Pagtuklas sa Misteryo ng Paghatol
Ang pangalan ko ay Enhui; Ako ay 46 na taong gulang. Nakatira ako sa Malaysia, at 27 taon na akong mananampalataya sa Panginoon. Noong Oktubre 2015, lumipat ako sa isa pang lungsod para magtrabaho. Ang mga kasamahan ko ay mayroon nang Facebook, na ginagamit nila para sa pagcha-chat, paghahanap ng mga bagong kaibigan, at pagpo-post. Nang makita nila na wala akong account sa Facebook, ginawan nila ako nito, at unti-unti kong natutuhan kung paano mag-online at gamitin ito. Kapag may oras ako, tinitingnan ko ang mga pino-post ng ilang kapatid na lalaki at babae sa Panginoon at ibinabahagi ko ang mga ito at nila-like ang mga ito. Kung minsan nagpo-post ako tungkol sa pagbibigay-papuri sa Panginoon o ibinabahagi ang biyaya ng Panginoon sa mga tao sa aking friends group. Talagang kasiya-siya ang bawat araw.
Isang araw noong Pebrero 2016 nang nag-browse ako sa profile ng isa sa aking mga kaibigan sa Facebook, nakita ko ang post na ito: “Tinalakay namin ngayon sa aming grupo ang paksa tungkol sa paghatol. Magkakaiba kaming lahat sa mga bagay na sinabi namin ngunit nagkaisa kami sa mahahalagang bagay. Sinabi ng isa: ‘Kung hindi ko nauunawaan ang isang bagay, hindi ako naglalakas-loob na magsalita ng mga bagay na walang kabuluhan—ito ay isang bagay na gagawin ng Diyos sa hinaharap at huwag nating tangkaing magpadalus-dalos sa pagbibigay ng mga haka-haka.’ Sinabi pa ng isa: ‘Sinasabi sa Awit 75:2 “Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid.” Itinatala ng Diyos ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat tao, kaya kapag bumalik ang Panginoong Jesus para hatulan ang lahat ng tao, ihahayag Niya sa lahat ang mga gawa natin, gaya sa isang pelikula na panonoorin. Kaya dapat tayong laging maging matuwid sa ating pag-uugali at talagang huwag kailanman gumawa ng masama nang sa gayon hindi tayo hatulan ng Diyos at itapon sa impiyerno.’ Sinabi naman ng isa: ‘Sinasabi sa Biblia: “At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa” (Pahayag 20:11–12). Makikita natin mula sa mga banal na kasulatan na kapag bumalik ang Panginoong Jesus sa mga huling araw, maglalagay Siya ng isang higanteng mesa sa kalangitan, uupo sa may likurang bahagi nito, at bubuksan ang mga aklat. Pagkatapos, kasama ang buong sangkatauhan na nakaluhod sa lupa, tatawagin Niya ang pangalan ng bawat indibiduwal at hahatulan ang bawat isa sa kanila nang paisa-isa ayon sa kanilang mga gawa. Ang mabubuting tao ay dadalhin ng Panginoon sa kaharian ng langit, samantalang ang masasama ay itatapon sa impiyerno.’”
Pagkatapos basahin ang post na ito nanatili ako sa aking pagkakaupo, at inilarawan sa aking isipan ang imahe ng Panginoong Jesus na hinahatulan ang sangkatauhan: Nakaupo ang Panginoon sa isang trono, ang mga tao ay nakaluhod lahat sa harapan ng Kanyang mesa at nagtatapat sa lahat ng kanilang mga kasalanan para hatulan ng Diyos, at ipinadadala ng Panginoon ang bawat isa sa kanila sa langit o sa impiyerno ayon sa kanilang mga gawa. Pinag-isipan ko kung gaano ako naging matapat na tagasunod ng Panginoon sa loob ng mahigit 20 taon at nagsikap na gawin ang lahat ng aking makakaya na isagawa ang Kanyang mga turo. Naniwala ako na makikita ng Panginoon ang aking katapatan at dadalhin ako sa kaharian ng langit. Gayunpaman nang pag-isipan ko ito nang paulit-ulit, bigla kong naisip ang isang ideya: Ngayong alam ko na kung paano gamitin ang Internet, magsaliksik kaya ako tungkol sa “paghatol” at tingnan kung ano ang lalabas? Nagbukas ako ng isang browser at tinayp ang salita; Hindi ko na maalala kung anong link ang naklik ko pero sa aking pagkamangha, lumabas ang pangungusap na ito: “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao.” Kaagad akong lalong naging interesado dito, kaya nagpunta ako sa website para magbasa pa. Habang naglo-load ang website narinig ko ang himnong ito na kapwa kasiya-siya at naghihikayat ng pag-iisip: “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao.” Kasama sa mga titik ang: “… Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).
Pinagnilayan ko ang mga titik nang matapos ang himno; nadama kong lubos na nakakaantig ito. Nagsimula kong isipin: “Ang pagkastigo at paghatol ba ng Diyos ang liwanag ng kaligtasan natin? Ito ba ang pinakadakilang pangangalaga at biyaya sa sangkatauhan? Paano namin mauunawaan ito? Kung nais ng mga tao na madalisay at mamuhay nang may kabuluhan, ibig bang sabihin nito ay kailangan nilang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos?” Habang pinag-iisipan ko ang mga titik na ito, maraming tanong ang nagpabalik-balik sa aking isipan. Naisip ko rin: “Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba’t makukundena ang tao? At paanong ang paghatol ay naging liwanag ng kaligtasan?” Gustung-gusto kong malaman ito at lalo pa akong naging interesado dahil wala pa akong naririnig na ganitong bagay noon. Bagama’t ang paghatol na binabanggit sa himno ay hindi ayon sa nauunawaan ko tungkol sa paghatol, hindi pa rin malinaw sa akin na mayroon talagang malalim na kahalagahan ang paghatol, at may kaugnayan sa hinaharap at kapalaran ng tao. Nang tingnan ko kung saan galing ang himno, nakita ko na mula ito sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kaya nagpunta ako sa kanilang website. Nakita ko na hindi lamang naiiba at nakalulugod tingnan ang homepage, ngunit marami at iba-iba ang nilalaman nito. May mga bagay na pakikinggan, mga bagay na babasahin, mga kanta, mga talakayan at napakaraming iba pang mga bagay. Naisip ko sa aking sarili: “Bakit walang nakapagsabi sa akin tungkol sa website na ito? Napakaganda nito, hindi kaya dahil hindi pa nila natatagpuan ito kaya walang nagbabahagi nito?” Nagklik ako sa link na “Books” at habang inii-scroll ko pababa ang listahan nakita ko ang pamagat na ito: Mga Patotoo ng mga Karanasan sa Pagpasok sa Buhay. Nang iklik ko ito, nakita ko na ang karamihan sa mga ito ay patotoo tungkol sa paghatol ng Diyos, halimbawa: “Iniligtas Ako ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos,” “Ang Paghatol at Pagkastigo ng Diyos ay Dakilang Kaligtasan para sa Akin,” “Nakita Ko ang Pagmamahal ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo,” “Pinukaw ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos ang Aking Makasalanang Puso,” “Inilalagay Ako ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos sa Tamang Landas.” Malapit na ang oras para pumasok ako sa trabaho, kaya ang nagawa ko na lamang ay tingnan nang mabilis ang ilan sa mga patotoong ito. Ang mga ito ay isinulat ng lahat ng mananampalataya na nagkukuwento kung paano nadalisay ang kanilang tiwaling mga disposisyon, at naglalahad din ng tungkol sa kanilang mga kahinaan, katiwalian, maling pagkaunawa sa pananampalataya, atbp., at kung paano bahagyang nabago ang mga ito sa pamamagitan ng mga salita ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos. Dahil dito mas lalo pa akong naging interesado na malaman ang tungkol sa “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao.” Hindi kaya ang paghatol na iyan ay hindi tungkol sa pagkukundena? Na hindi ito tungkol sa pagpapasiya sa katapusan ng bawat tao? Talagang naguluhan na ako, at alam ko na kailangan kong malaman kung ano nga ba talaga ang tungkol sa “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao.” Naisip ko sa huli na marahil malaki ang naitutulong ng aklat na Mga Patotoo ng mga Karanasan sa Pagpasok sa Buhay para sa mga miyembro ng iglesia nila, at na dapat ko itong pag-aralan. Pero kakaunti na lang ang oras, kaya pinatay ko na ang computer at pumasok na sa trabaho.
Nang gabing iyon pabaling-baling ako sa aking higaan, hindi ako makatulog; patuloy na sumasagi sa isipan ko ang website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. At lalong hindi mawala sa isip ko ang pangungusap na “Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao,” at talagang gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng “paghatol.”
Gumising ako nang maaga kinabukasan, binuksan ang website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at nagsimulang magsaliksik para sa salitang “paghatol.” Nakakita ako ng isang artikulo na may pamagat na “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan,” binuksan ko ito, at binasa ang mga salitang ito: “Sa paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang ‘paghatol’ sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni gaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaganda ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang na karikatura, at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang kamangha-mangha. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ang gawaing ito ay may pinakapambihirang sukat, at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong kapita-pitagan at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na kagila-gilalas at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na, noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa tao, nananatili kang tulog na tulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, nguni’t ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.” Talagang namangha ako sa mga salitang ito. Napakawasto ang inihayag ng mga ito tungkol sa kaibuturan ng isipan at mga pananaw ng tao tungkol sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw—talagang makatotohanan at praktikal din ang mga ito. Naisip ko, “Hindi kaya imahinasyon ko lamang ang ideyang pinanghahawakan ko tungkol sa paghatol sa kalangitan? Ipinapakita sa siping ito na iniisip lahat ng tao na puno ng misteryo at kababalaghan ang gawain ng paghatol ng Diyos. Isinasaad din dito na noon pa nagsimula ang gawain ng paghatol at magwawakas sa lalong madaling panahon, at hinihikayat nito ang mga tao na huwag magsayang ng oras sa paghahanap ng pagpapakilala ng Diyos. Tinig kaya iyon ng Diyos?” Ang kaisipang iyan ay nakabagabag sa akin at talagang gusto kong malinaw na maunawaan ang tunay na kahulugan ng paghatol ng Diyos. Gayunpaman napakaraming nilalaman ng website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at noong panahong iyon hindi ko alam kung saan magsisimulang maghanap, kaya nagpasiya akong hanapin ang mismong mga miyembro ng iglesia at subukan kung matutulungan nila akong maunawaan ang mga bagay-bagay.
Gamit ang online chat function sa website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, nagpadala ako ng mensahe na sinasabi sa kanila na interesado akong matuto pa tungkol sa paghatol. Isang tao ang kaagad na sumagot sa akin, at ipinakilala ang dalawang kapatid na babae mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos na kumontak sa akin: sina Liu Hui at Li Mei. Sa pag-uusap namin, natuklasan ko na ang dalawang kapatid na babaeng ito ay hayagan at tapat makipag-usap, at masyadong prangka; gusto ko silang maka-chat nang masinsinan. Sinabi ko sa kanila: “Gustung-gusto ko ang website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Naroon ang lahat ng klase ng mga espirituwal na aklat, mga himno na nagpupuri, mga music video, mga pelikulang tungkol sa ebanghelyo, pagbigkas ng mga salita ng Diyos, at marami pa. Marami talagang nakapaloob roon, pero hindi ko talaga maunawaan ang kahulugan ng paghatol ng Diyos. Kababasa ko lang ng ‘Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan’ na tila nagsasabi na nagsimula na ang gawain ng paghatol ng Diyos at na ang ideya tungkol sa paghatol sa langit ay bunga lamang ng mga pagkaunawa at imahinasyon ng tao. Medyo kakaiba ito sa karaniwan kong nauunawaan tungkol sa paghatol. Maaari bang ibahagi ninyo sa akin ang nauunawaaan ninyo tungkol dito?”
Sumagot si Sister Liu: “Purihin ang Diyos! Magsaliksik at magbahagi tayo nang magkakasama! Ganyan din ang naisip ko noon, naniniwalang ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay gagawin sa langit. Ngunit matapos basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pagbabahagi kasama ang mga kapatid na lalaki at babae sa iglesia napagtanto ko na sariling pagkaunawa ko lamang ito, sariling imahinasyon ko. Gagawin man ang gawain ng paghatol ng Diyos sa langit o sa lupa ay malinaw na nakasaad sa ilan sa mga propesiya sa Biblia. Halimbawa, sinasabi sa Pahayag 14:6–7: ‘At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan; At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka’t dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.’ Sinasabi sa Awit 96:13: ‘Sapagka’t Siya’y dumarating: sapagka’t Siya’y dumarating upang hatulan ang lupa: Kanyang hahatulan ng katuwiran ang sanlibutan, at ng Kanyang katotohanan ang mga bayan.’ Sa Juan 9:39 sinasabi dito: ‘Sa paghatol ay naparito ako sa sanglibutang ito, upang ang mga hindi nakakakita ay mangakakita.’ Binabanggit sa mga talatang ito ng Biblia na ‘na may walang-hanggang ebanghelyo upang ipangaral sa mga nananahan sa lupa,’ ‘sapagka’t Siya’y dumarating upang hatulan ang lupa’ at ‘Sa paghatol ay naparito ako sa sanglibutang ito.’ Mula rito makikita natin na sa mga huling araw, kinakailangang ang Diyos mismo ang pumarito sa lupa, at paparito Siya sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol, upang hatulan ang lahat ng tao at lahat ng bansa. Bukod pa rito, mula sa pagbabasa ng Biblia nalaman natin na bago pa nilikha ng Diyos ang sangkatauhan ay nilikha Niya ang kalangitan at ang lupa at lahat ng bagay upang makapaghada para sa atin ng isang angkop na lugar na titirhan. Pagkatapos ay nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at pinlano ang paninirahan natin dito sa lupa, hindi sa langit. Kaya paano tayo maaaring makaakyat sa langit? Walang pagpipilian ang tiwaling sangkatauhan kundi ang tanggapin ang paghatol ng Diyos dito sa lupa. At isa pa, nakatala sa Aklat ng Pahayag na nakakita si Juan ng isang malaking puting trono sa kalangitan sa pulo ng Patmos. Sa katunayan, isa lamang ito sa mga pangitain ni Juan, ngunit literal na binigyang-kahulugan ito ng mga tao na sa pagbabalik ng Diyos sa mga huling araw ay Kanyang hahatulan ang mga tao sa langit. Ito ay pawang sariling pagkaunawa at imahinasyon lamang natin, at maling pagpapakahulugan sa mga propesiya—hindi talaga ito ang realidad ng gawain ng Diyos.”
Namangha ako sa aking narinig: Binasa ko ang lahat ng talata sa Biblia na ibinahagi ng kapatid na babae sa akin, kaya bakit hindi ko napansin ang tunay na kahulugan ng mga salitang iyon? Oo! Nilikha ng Diyos ang tao para manirahan sa lupa, kaya paano tayo maaaring makaakyat sa langit? Ang pananampalataya ko ay talagang puno ng kalabuan at kamangmangan!
Pagkatapos ay ganito ang ibinahagi sa akin ni Sister Li Mei: “Sa mga huling araw hindi lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang gawin ang gawain ng paghatol sa lupa, ngunit nagsimula na noon pa man ang Kanyang gawain at matatapos sa lalong madaling panahon. Ang gawain ng paghatol ng Diyos ay hindi ginawa sa langit tulad ng akala ng mga tao, at hindi direktang kinukundena ang mga tao tulad ng paniniwala nila. Sa katunayan, bago matapos ang gawain ng paghatol ng Diyos, lahat ng yaong lumalapit sa harapan ng trono ng Diyos ay ang mga yaong maaaring hatulan, subukan, at linisin ng mga salita ng Diyos. Lahat ng yaong tumatanggap ng paghatol ng Diyos at dinadalisay ay dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian. Gayunpaman para sa mga yaong hindi tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, yamang ang kanilang makasalanang kalikasan ay hindi nahatulan at nalinis ng Diyos, patuloy silang mabubuhay sa kasalanan, patuloy na mananatiling nagkakasala. Sila ay magsisinungaling, manloloko, maghihimagsik laban sa Diyos at susuwayin ang Diyos. Sila ay lilipulin sa impiyerno para sa kanilang mga kasalanan—ito ang tunay na pagpapakilala ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Tayo na mga sumunod sa Panginoon sa loob ng maraming taon ay naranasan nang matindi na bagama’t natubos tayo mula sa ating mga kasalanan dahil sa ating pananampalataya, ang problema tungkol sa ating makasalanang kalikasan ay hindi pa nalulutas. Sinusunod natin ang Panginoon, ngunit kasabay nito madalas nating sinusuway ang mga turo ng Panginoon at binibigyang-laya ang pagnanasa ng ating laman na gumawa ng mga kasalanan tulad ng pagsisinungaling, panloloko, pakikipagtsismisan, at pagnanais na maging bantog at yumaman. Nauuhaw tayo sa mga bagay na walang kapararakan at sinusunod ang masasamang kalakaran ng materyal na mundo. At marami pang iba. Lalo na kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok, mga aksidente, at mga kalamidad, hindi natin nauunawaan ang Diyos, at sinisisi natin Siya, at ipinagkakanulo rin Siya. Masasabi nating nabubuhay tayo na patuloy na nagkakasala at pagkatapos ay nagtatapat ng ating mga kasalanan, ngunit hindi natin kailanman iwinawaksi ang mga tanikala ng ating makasalanang kalikasan. Sinasabi sa Biblia: ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon’ (Mga Hebreo 12:14). Paano makakapasok sa kaharian ng Diyos ang mga taong kasintiwali natin? Sinabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan). Kaya nga, sa mga huling araw, ipatutupad ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, isasagawa ang yugto ng gawain ng paghatol, pagkastigo at paglinis sa mga tao ayon sa kung ano ang mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan. Ang layunin ay lubos tayong iligtas mula sa sakop ni Satanas, at alisin ang mga tanikala ng makasalanang kalikasan natin upang madalisay at maligtas tayo. Mula rito makikita natin na tungkol lahat sa paglilinis at pagliligtas ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Hindi ito tungkol sa pagkundena sa atin, tulad ng akala ng mga tao.”
Patuloy na nagbahagi si Sister Liu Hui sa akin: “Tama ka, Sister Enhui. Isipin natin ito, kung ang gawain ng paghatol ng Diyos ay kundenahin at parusahan tayo, kung gayon wala ni isa sa atin, na pawang matinding nagawang tiwali ni Satanas, ang makaliligtas o makapapasok kailanman sa kaharian ng Diyos. Kung ganyan ang mangyayari, ano pa ang halaga ng gawain ng paghatol ng Diyos? Malinaw na ipinahayag sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos kung bakit ginagawa ng Diyos ang gawin ng paghatol sa mga huling araw, at ano ang kahalagahan nito. Basahin natin ang dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: ‘Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila ng gayong walang-pananagutang buhay para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Biblia, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagpipigil ng impluwensya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. … Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa pang-aalipin ng madilim na impluwensya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at masuwaying pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong kabuuan ay pigil pa rin ng sakop ni Satanas, ang iyong isipan ay pigil ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay pinaiikot ni Satanas, at ang lahat sa iyo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). ‘Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring madalisay ang tao’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). Kaya ano ang mararanasan natin mula sa mga salita ng Diyos? Kung titingnan natin ang mga ito sa isang anggulo, makikita natin na ang mga salita ng Diyos ay masyadong praktikal at lubos na naglalarawan ng sitwasyon na totoong nangyari sa buhay. Mula naman sa isa pang anggulo, makikita natin na kung nais nating madakila sa harapan ng trono ng Diyos kailangan muna nating maranasan ang paghatol at paglilinis ng Diyos upang maalis sa ating sarili ang karumihan at katiwalian, at makatakas mula sa masamang impluwensya ni Satanas. Pagkatapos lamang niyan tayo magiging karapat-dapat na maisasama ng Diyos sa Kanyang kaharian. Kung walang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw hindi tayo lubos na malilinis para maging mga tao na kaayon ng puso ng Diyos, at tiyak na hindi tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos. Hindi tayo basta matitigil sa pagkakasala at pagsuway sa Diyos, at sa huli, tayo ay lilipulin ng Diyos sa impiyerno. Sa katunayan, mula sa mga patotoo na nangyari sa tunay na buhay ng mga kapatid na lalaki at babae ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos makikita natin na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang liwanag ng pagliligtas para sa sangkatauhan. Bawat isa sa atin ay nagawang tiwali ni Satanas, ngunit dahil makakalapit tayo sa harapan ng Makapangyarihang Diyos at makatatanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unti-unting nagbabago ang disposisyon natin sa buhay. Mula sa paghihimagsik at pagsuway ay natututo tayong sumunod at magpasakop; mula sa pagiging mayabang, mapagmagaling at hindi pagsunod sa sinuman, nagiging handa tayong isantabi ang labis na pagpapahalaga sa sarili at nagpapasakop sa yaong tama, nagpapasakop sa katotohanan. Bukod pa rito, lahat ng ipinahahayag sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay totoo, at pagpapahayag din ito ng matuwid at banal na disposisyon ng Diyos, kaya kapag mas nararanasan natin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, lalo pa nating nakikilala ang Diyos. At kapag lalo pa nating nakikilala ang Diyos, mas malinaw na mauunawaan natin ang mga tao, mga bagay, at mga pangyayari sa mundo. Dahil dito, nagbabago sa magkakaibang antas ang ating mga pananaw at pinahahalagahan. Mas pinagpipitaganan at sinusunod natin ang Diyos. Ito ang siyang naisakatuparan sa atin ng paghatol at pagkastigo ng Makapangyarihang Diyos. Kung walang paghatol ng liwanag ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, tayong lahat ay mabubuhay sa kadiliman, gagawa ng mga kasalanan at pagkatapos ipagtatapat ang mga ito, ipagtatapat ang mga ito at pagkatapos ay gagawin muli sa araw-araw, hindi kailanman naiwaksi ang mga tanikala ng kasalanan. Kaya paano tayo madadala ng Diyos sa Kanyang kaharian?”
Pagkatapos magbahagi sa akin nina Sister Li at Sister Liu nadama ko na tila isang maningning na liwanag ang nabuksan sa aking puso. Totoo ang sinabi nila: Hindi nagawang mapalaya ng lahat ng mga pastor, mga elder, at mga kapatid na lalaki at babae sa iglesia namin ang kanilang mga sarili mula sa pagkagapos ng kasalanan. Ako rin mismo ay madalas magkasala at hindi ko isinagawa ang mga salita ng Panginoon. Lahat tayo ay nabubuhay sa kalagayan na nakagagawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay nagtatapat—talagang kailangan natin na makabalik ang Diyos at magawa ang isang yugto ng gawain ng paghatol at pagkastigo. Kung hindi ko hinanap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw hindi ko sana naunawaan ang mga katotohanang ito. Nakadama ako ng lubos na pasasalamat sa paggabay ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pakikinig sa pagbabahagi ng mga kapatid na babae, pati pagbabasa sa mga nakasulat na patotoo ng mga kapatid na lalaki at babae ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos na nagkukuwento kung paano nadalisay ang kanilang tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng paghatol ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting kaunawaan sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Napawi ang sarili kong mga pagkaunawa, at alam ko na ngayon na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay kailangan natin para makalaya mula sa kasalanan at magtamo ng pagkadalisay.
Pagkatapos ay sinabi ni Sister Liu Hui: “Basahin pa natin ang dalawa pang sipi mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). ‘Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga namumuhay sa guni-guni ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Naniniwala ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala kung wala ka namang kakayahang tumanggap ng katotohanan at wala kang kakayahang tumanggap ng pagtustos ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay ang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ang Kanyang gawain ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos’ (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos makikita na sa mga huling araw ay nagkatawang-tao ang Diyos upang maipahayag ang lahat ng katotohanan para malinis at mailigtas ang mga tao, nang naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Inihahayag Niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi mangungunsinti ng pagkakasala ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, ihahayag ng Diyos ang kalikasan at diwa ng mga tao, at ang tunay na kalagayan ng kanilang katiwalian. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa mga salita ng paghatol na ipinahahayag ng Makapangyarihang Diyos natin malalaman ang ating sariling kayabangan, katusuhan, kasakiman, kasamaan, atbp., na bahagi lahat ng masama nating kalikasan at tiwaling mga disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos malalaman natin ang matuwid na disposisyon ng Diyos at magkakaroon ng mga pusong nagpipitagan sa Diyos at tunay na pagsisisi. Sa gayon maaari nating mabago at malinis ang ating tiwaling disposisyon. Ito ang kahalagahan ng paghatol ng Diyos, at ito rin ang tanging daan patungo sa kaligtasan. Sister Enhui, kapag masigasig nating binasa ang marami sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa abot ng ating makakaya, mas magiging malinaw sa atin ang kahalagahan ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw at higit sa lahat, makikita natin na tanging si Cristo ng mga huling araw ang makapagbibigay sa mga tao ng daan patungo sa buhay na walang hanggan.”
Purihin ang Panginoon! Napakarami kong natutuhan sa pakikipag-usap sa mga kapatid na babae. Bagama’t daranasin ko pa lamang ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabahagi nila at pagbabasa ng Mga Patotoo ng mga Karanasan sa Pagpasok sa Buhay, nadama ko na talagang makapagpapabago ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Nadama ko rin na talagang kailangan ko ang Diyos para gampanan ang Kanyang yugto ng gawain ng paghatol at pagkastigo para mabago at madalisay ako upang maging karapat-dapat ako na madala sa kaharian ng langit. Kalaunan, makalipas pa ang ilang araw ng pagbabahagi, mas lalo ko pang naunawaan ang kahalagahan ng gawain ng paghatol ng Diyos at ang katotohanan hinggil sa mga pangalan ng Diyos. Natutuhan ko rin ang mga katotohanan para makilala ang totoong Cristo mula sa mga huwad na Cristo, at mga totoong iglesia mula sa mga huwad. Nalaman ko ang mga katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos, ang kaibhan ng gawain ng Diyos at gawain ng tao, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano tayo inililigtas ng Diyos, at marami pang iba. Sa huli, talagang nakatitiyak ako na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at tinanggap ko nang may masayang puso ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Purihin ang Diyos! Mula noon hindi napawi ang pagkauhaw ko sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan nang pagsunod sa mga paniniwala ng iglesia, pagbabahagi ng mga katotohanan sa mga kapatid na lalaki at mga babae, at pagtanggap sa pagdidilig at pagpapakain ng mga salita ng Diyos nadama ko na lalo pang lumalakas ang aking espiritu. Itinulot nito na masaksihan ko ang lubos na katuparan ng propesiyang ito sa Aklat ng Pahayag sa Biblia: “Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20). Nadama ko rin na natupad ito mismo sa akin. Nabuksan ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang pintuan ng aking puso at tinulutan ako na marinig ang tinig ng Diyos, malaman ang gawain ng paghatol ng Diyos, at makabalik sa Kanyang harapan. Purihin ang Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.