Ang Pasanin ng Pagiging Mapagpaimbabaw

Enero 26, 2022

Ni Suwan, Tsina

Noong Agosto 2020, natanggal ako sa posisyon ko sa pamumuno dahil katayuan ang hinahabol ko at hindi ako nagseseryoso. Sumama ang pakiramdam ko at labis na nanghinayang, at gusto na lang magsisi at gawin nang maayos ang tungkulin ko pagkatapos noon. Tapos, inilagay ako ng iglesia sa isang video production team kasama ang ibang kapatid.

Isang araw, nakipagkwentuhan ako sa kanila tungkol sa mga napagtanto ko pagkatapos kong matanggal, at sinabi sa akin ng isa sa kanila, na si Sister Yang, na talagang malaking tulong ito sa kanya. Napansin kong iba na ang tingin niya sa akin pagkatapos noon. Kapag nagsasalita ako sa mga pagtitipon, talagang nakikinig siya nang mabuti at tumatango-tango, at kadalasan ay sumasasang-ayon siya sa aking mga opinyon. Tila naging mas mapagmalasakit din siya sa akin araw-araw. Iniisip ko na mukhang tinitingala niya ako, na magkukwekwento na lang ako tungkol sa kung anong natutuhan ko at magkunwaring nagsisisi, kaya dapat gumawa ako ng isang kongkretong bagay. Ano ang iisipin nila kung wala silang nakitang anumang pagbabago sa akin? Iisipin ba nilang puro salita lang ako at hindi isinasagawa ang katotohanan? Medyo nag-aalala ako tungkol doon. Palagi akong nakaharap sa computer para sa paggawa ng video, at sumasakit ang likod ko at ninanais kong magpahinga, pero natatakot akong isipin ng ibang tao na tatamad-tamad ako, na sinasabi kong ginagawa ko nang mabuti ang tungkulin ko, pero wala naman talaga akong anumang ginagawa para magbago. Kaya hindi ako nagpapahinga kapag napagod na ako, natatakot na iisipin ng iba na hindi ko sineseryoso ang tungkulin ko. Hindi ako natutulog nang maaga kapag inaantok ako. Kahit natapos ko na ang gawain ko, pipilitin ko ang sarili ko na magtrabaho hanggang alas-onse y media hanggang alas-dose ng gabi. Minsan, magdamag akong gising at hindi halos makabangon sa umaga, pero pipilitin ko ang sarili kong bumangon kasabay ng iba. Takot akong mag-iwan ng hindi magandang impresyon. Minsan, nakita kong may dalawang video na gagawin si Sister Yang. Wala sa plano ko na tulungan siya kasi mahirap at kumplikado ang mga ito, at ayokong alamin ang mga ito. Pero wala naman akong anumang sariling proyekto, kaya kung hindi ako mag-aalok ng tulong, hindi magmumukhang sinusubukan kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at iisipin ng aking mga kapatid na puro salita lang ako, na hindi naghahanap ang katotohanan. Kaya pinuntahan ko si Sister Yang at sinabing pwede ko siyang tulungan dito.

Mukhang ibinibigay ko ang sarili ko sa aking tungkulin, pero alam kong ang lahat ay para protektahan ang sarili ko. Hindi ako mapakali at gusto kong maglantad sa iba tungkol sa aking mga motibasyon, pero natatakot akong malaman nila na talagang may mga lihim akong layunin, at iisipin nilang hindi pa ako nakapagsisisi at hindi ko isinagawa ang katotohanan. Malamang na isang mapagpaimbabaw ang magiging tingin nila sa akin at tatanggihan nila ang lahat ng sinabi kong natutuhan ko pagkatapos kong matanggal. Nag-atubili akong ilantad ang sarili ko dahil doon, kaya sa mga pagtitipon, palagi kong ikinukwento ang tungkol sa katiwalian na pinag-uusapan ng lahat, at ang ilang magagandang karanasan, habang patuloy na itinatago ang masasamang isiping sa pinakakaibuturan ko. Dahil puro magagandang bagay lang ang ibinabahagi ko, sa isang pagtitipon, pinuri ako ni Sister Yang dahil sa pagsasagawa ng katotohanan at sa pagbibigay ng napakagandang pagbabahagi. Kalaunan, narinig kong may ilang kapatid na nagsabing talagang hinahanap ko ang katotohanan, na tapat akong naghayag ng tungkol sa katiwalian ko, at masigasig akong nakibahagi tungkol sa tungkulin ko. Medyo nasiyahan ako, pero mas higit ang kahihiyan, dahil alam kong ang sinasabi nila ay hindi tugma sa aking realidad, hindi ako naging tapat talaga, at hindi ako kailanman naglantad tungkol sa pangit na katiwalian sa kalooban ko. May mga layunin ako sa likod ng kasigasigan ko sa aking tungkulin. Pakiramdam ko’y sobrang sama noon. Ang lahat ay nadala sa palabas ko—ano’ng pwede kong gawin? Talagang nakonsensya ako at gustong maglantad sa kanila, para itigil na ang panloloko sa kanila, pero natakot ako na kapag ginawa ko ’yon, malalaman ng lahat ang tungkol sa masasama kong saloobin. Kapag nalaman nilang ang pagsisisi ko ay pagpapaimbabaw lamang, isang pagpapanggap, makikita nila kung sino talaga ako at iisipin na isa akong tuso at masamang tao. Masisira ang magandang imahe ko at wala nang hahanga sa akin. Nawalan ako ng lakas ng loob na ibahagi ang damdamin ko sa iba.

Inisip ko ito at patuloy na pinagnilayan ang aking sarili, at nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos, sabi ng Diyos, “Kilala ba ninyo kung sino talaga ang mga Fariseo? Mayroon bang mga Fariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na ‘mga Fariseo’ ang mga taong ito? Ano ang kahulugan ng katawagang ‘mga Fariseo’? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa, samantalang nagkukunwaring mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Ang kanilang tunay na mukha ay natatago sa loob ng kanilang mga puso; ito’y di-nakikita. Kung hindi hinahabol ng mga tao ang katotohanan, at kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ano na ang kinahinatnan ng mga teoryang natamo nila? Hindi ba nagiging mga titik at doktrina ang mga iyon na madalas tukuyin ng mga tao? Ginagamit ng mga tao ang tinatawag na mga tamang doktrinang ito para magbalatkayo at ipakita ang kanilang sarili na napakabuti. Saanman sila magtungo, ang mga bagay na pinag-uusapan nila, ang mga bagay na sinasabi nila, at ang kanilang panlabas na pag-uugali ay pawang mukhang tama at mabuti sa iba; lahat sila ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Sa paningin ng iba, sila ay kapwa tapat at mapagpakumbaba, may kakayahang magtiyaga at magparaya, at mapagmahal sa iba at sa Diyos. Kaya lamang, ang totoo ay huwad ang lahat ng ito; lahat ay pagkukunwari lamang at isang paraan ng pagpapakita na sila ay mabubuti. Sa tingin, mukha silang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang sila para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi sila matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa nila ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, tinalikuran na nila ang kanilang pamilya at propesyon, na nagpapakitang nagsusumikap at ginugugol ang kanilang sarili; gayunman, ang totoo ay ginagawa nila ang mga sarili nilang gawain, kumikita sila mula sa iglesia at nagnanakaw ng mga handog nang palihim. Lahat ng ipinapakita nila—lahat ng kilos nila—ay huwad. Ito ang ibig sabihin ng mapagpaimbabaw na Fariseo(“Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinaalala sa akin nito ang mga Fariseong mukhang relihiyoso, mapagpakumbaba, at mapagmahal. Palagi silang nakatayo sa mga kalye, nagdadasal at ipinapaliwanag ang Kasulatan, pero hindi nila tunay na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Nagpapanggap sila, pinagmumukhang mabuti ang kanilang mga sarili, para lokohin ang mga tao, para bigyan sila ng maling impresyon, nang sa gayon ay hahangaan sila. Hindi ba’t umaasta ako na tulad ng mga mapagpaimbabaw na Fariseong iyon? Kapag binabalikan ko ito, noong sinabi ko kung anong natutuhan ko matapos matanggal, hinangaan ako ng mga kapatid nang kaunti noong sinabi ko ang tungkol sa pangangailangan ko ng tunay na pagsisisi. Natakot ako na kung hindi ako masigasig sa aking tungkulin, baka masira ang magandang impresyon nila sa akin, kaya nagpanggap ako para itago ang tunay kong sarili, para magbalatkayo. Hindi ako naglakas-loob na magpahinga kapag ako ay pagod o matulog kapag nanlalata na ako sa gabi, at pipilitin ko ang sarili ko na bumangon nang walang sapat na tulog. Ayokong tulungan si Sisyer Yang sa video na iyon, pero gusto kong maging mataas ang tingin niya sa akin, kaya nagkunwari akong masaya akong gawin ito. Alam kong mali ang motibasyon ko sa aking tungkulin, isang bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, at dapat akong maging bukas sa iba. Ngunit para protektahan ang imahe ko, itinago ko ang lahat ng hindi kanais-nais na layunin na iyon at wala akong sinumang sinabihan tungkol sa mga ito. Tapos medyo hinangaan ako ng mga kapatid at naging mas maalalahanin sa akin sa kabuuan. Naging mapanlinlang ako. Nakita kong talagang tuso ako at nasa parehong landas ng mga mapagkunwaring Fariseo. Palagi akong nagpapanggap. Nakakapagod ito at nakokonsensya ako, dagdag pa rito, ’di ito sinasang-ayunan ng Diyos. Matapos makita kung gaano kalubha ang problemang ito, Nag-ipon ako ng lakas ng loob sa isang pagtitipon para ilantad sa mga kapatid ang tungkol sa mga layunin ko at pagpapaimbabaw. At gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos noon. Pero naramdam ko rin na magiging mahirap para sa akin na itama ang mga layunin ko, kaya lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanyang gabayan ako para gawin ang tungkulin ko nang may dalisay at tapat na puso.

Tapos may nakita akong isang video tungkol sa karanasan ng isang tao na taglay ang mga salitang ito mula sa Diyos. Sabi ng Diyos, “Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos(“Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Talagang masakit at mahirap ito para sa akin. Isa akong tusong tao na may pusong puno ng kadiliman at kasamaan, punong-puno ng mga panlilinlang. Hindi ko iniisip ang katotohanan o ang aking katungkulan, kundi pagkakamit lang ng paghanga, kung paano magpabango sa ibang tao. Kahit na hanggang sa pagtulog, inalala ako at inisip ko ito. Gusto ng Diyos ang mga tapat at lantad na tao, at tanging mga tapat na tao lang ang magkakamit ng Kanyang pagsang-ayon at kaligtasan. Pero ang motibo at pagsisimula ko ay palaging tuso at masama. Gaano ko man kaayos bihisan ang ang sarili ko at makuha ang paghanga ng lahat, hindi ko kailanman makukuha ang pagsang-ayon ng Diyos, kaya sa huli, kasusuklaman at isusumpa ako ng Diyos tulad ng mga mapagpaimbabaw na Fariseong iyon. Dismayadong-dismayado ako sa sarili ko. Sa buong panahong iyon ng pananampalataya, hindi ako pumasok sa realidad ng katotohanan na kasing halaga ng katapatan, at naging tuso lang ako gaya ng dati. Talagang malayo ako sa kung ano ang hinihingi ng Diyos at isang ganap na bigo bilang isang tao.

Binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos noon. Sabi ng Diyos, “Sa lahat ng mga bagay, dapat kang maging bukas sa Diyos at dapat kang maging bukas-puso—ito ang tanging kondisyon at kalagayan na dapat panatilihin sa harap ng Diyos. Kahit pa hindi ka bukas, bukas ka sa harap ng Diyos. Alam ng Diyos, kung bukas ka man o hindi. Hindi ba’t ikaw ay mangmang kung hindi mo ito nakikita? Kaya paano ka magiging maalam? Alam mong sinisiyasat nang mabuti at nalalaman ng Diyos ang lahat-lahat, kaya huwag mong isiping maaaring hindi Niya alam. Dahil may katiyakan na lihim na nakikita ng Diyos ang pag-iisip ng mga tao, magiging katalinuhan para sa mga tao ang maging mas bahagyang bukas-puso, mas bahagyang dalisay, at maging matapat—iyan ang may katalinuhang bagay na dapat gawin(“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Pakiramdam ko, sobrang hangal ko nang basahin ko ito. Nakikita ng Diyos ang ating puso’t isipan, kaya mas alam Niya ang mga sarili kong layunin at kung anong klaseng tao ako kumpara sa iba. Gaano ko man itago ang katiwalian ko mula sa mga kapatid na iyon, malalaman ito ng Diyos. Bilang isang mananampalataya na ayaw tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, hindi ba’t ginawa ako nitong hindi mananampalataya? Nanlumo ako. Ang mga pagsisikap ko na magpanggap bilang isang taong humahanap sa katotohanan at tunay na nagsisi para magkamit ng paghanga ay nakasasakal sa akin, sa totoo lang. Kailangan nating magpahinga kapag tayo’y pagod o inaantok. Napakapalikas nito para sa mga tao. Dagdag pa rito, nakakasigla ang pagpapahinga at mas magagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, at walang sinumang kokondena nito bilang katamaran o paghahanap ng pansariling kasiyahan. Pero sinusubukan kong tanggihan ang karamihan sa mga pangunahing pangangailangan ng tao, iniisip lang kung paano ko pahahangain ang ibang tao sa akin. Nakakapagod ito. Sinasabi ng Diyos na kailangang matuto ng matatalinong tao na maging tuwiran at totoo, tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at maging tapat. ’Yon lang ang tanging malayang paraan para mabuhay. Sa puntong iyon, ayoko nang magpanggap pa. Nagpapahinga ako kapag pagod ako, at humihiga sa gabi kapag inaantok ako. Sa mga pagtitipon, naglantad ako tungkol sa tunay kong kalagayan, at masigasig na isinakatuparan ang mga responsibilidad ko sa aking tungkulin. Kapag mahirap ang mga bagay-bagay, sinasabi ko sa sarili ko na tungkulin ko ito at hindi para makita ng lahat. Sa tuwing natutukso akong magpanggap, iniisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Makakatulong ito sa akin na mas maging tapat at handang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos.

Kalaunan, napansin kong medyo iritable at nauubusan ng pasensya si Sister Chen kay Sister Yan kapag nagtuturo sa kanya ng isang bagay. Umaalma si Sister Yang at ayaw matutuhan ito, at nagkaroon ng pagkiling laban kay Sister Chen. Napag-isip-isip kong kaya kong tumulong sa pagsasanay, para makita nilang isa akong mapagmahal at pasensyosong tao at mas magugustuhan nila ako. Sa huli ay ginawa ko nga iyon. Talagang matiyaga ako at mabait na nakipag-usap sa kanya noong una, pero no’ng nakita kong mabagal siyang umintindi at maraming ginagawang pagkakamali, nagsimula akong mainis. Pakiramdam ko’y hindi siya masyadong matalino at nagsimulang bumaba ang tingin ko sa kanya, pero pinigilan ko ang init ng ulo ko at nagpatuloy. Alam kong nag-aapoy na ako sa inis, pero ’di ako nagsabi tungkol sa tunay kong nararamdaman sa mga pagtitipon, dahil nag-aalala akong kapag may sinabi ako sa mga kapatid, magiging ’di lang ako patas tulad ni Sister Chen, walang pagmamahal at pasensya, at sisirain nito ang imahe ko. Dagdag pa rito, sa aming mga pangkaraniwang pakikipag-ugnayan, kapag nakikita kong nagpapakita ng katiwalian o nagiging negatibo ang iba medyo hinahamak ko sila kahit na nagpapanggap akong mapagmalasakit at maunawain. Wala sa plano ko na ibahagi ang lahat ng iyon sa takot na sabihin nilang wala akong awa at mahirap akong pakisamahan.

Isang araw ng Nobyembre, natanggap ko ang liham ng isang lider, sinasabing kailangan kong gampanan ang isang tungkulin sa ibang lugar sa susunod na araw. Lahat ng sister ay nagsabing malungkot silang makita akong umalis. Sinabi ni Sister Li kung gaano nakakapagpatibay at nakakatulong ang pagbabahagi ko para sa kanya, na talagang patas ako sa iba at hindi nagsungit, at na ’yong mga nakakaunawa at naghahanap sa katotohanan ay malugod na tatanggapin kahit saan. Medyo naasiwa akong marinig ang ganoong kataas na papuri mula sa kanya. Sinabi ko sa kanyang huwag masyadong purihin o itaas ang iba, na hindi ito mabuti para sa kanila. Nag-usap kami ni Sister Yang pagkatapos noon. Hindi niya ako direktang pinupuri, pero naririnig ko sa boses niya na kapareho ng kay Sister Li ang pagtingin niya sa akin. Pakiramdam ko’y may nakadagan sa puso ko, nag-aalalang mailigaw ko sila at magkaproblema ako. Pero nang tingnan ko ito sa ibang anggulo, akala ko’y mayroon akong tiwaling disposisyon, pero sinusubukan kong pagnilayan ang sarili ko, at maaaring mas magaling ako sa kanila, kaya mataas ang tingin nila sa akin. Nang maisip ko iyon, inalis ko ang mga alalahaning iyon sa isip ko at hindi ko na ulit ito inisip.

Nakakita ako ng isang video ng patotoo, Pagsisisi ng Isang Mapagpaimbabaw, kung saan ang isang sister ay nagsalita tungkol sa pagkukwento ng magagandang bagay lamang sa kanyang pakikisalamuha, at ang iba ay humangang lahat sa kanya. Natanggal siya pero nagkakaisang pa ring bumoto ang mga kapatid para magampanan niya ulit ang tungkuling iyon, pakiramdam nila’y hindi sila makakagawa nang wala siya. Napakataas ng tingin ng ilan sa kanya na halos tinuring siyang parang Diyos. Talagang nahimasmasan ako rito: Isa itong malubhang problema. Naalala ko kung paano ako lubos na hinahangaan o pinupuri ng iba nitong mga nakaraang araw at naisip ko na baka katulad ako ng sister na iyon, na magagandang bagay lang ang sinasabi, at baka kailangan kong magnilay-nilay. Tapos nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa harap ng iba, nagpapanggap ang mga anticristo na kaya nilang maging mapagparaya, mapagpasensya, mababang-loob, at mabait. Sa paningin ng lahat, mukha silang mapagbigay at may magandang kalooban. Bigyan mo sila ng problema at ng kaunting awtoridad, at para bang maaasikaso nila ito sa lahat ng aspeto nang walang kahigpitan, hindi nagbubusisi, at naipapakita kung gaano sila karangal. Tunay nga bang taglay ng mga anticristong ito ang gayong mga diwa? Ano ang layunin sa likod ng kanilang kabaitan, pagpaparaya, at pagbibigay ng pansin sa iba? Gagawin ba nila ang gayong mga bagay kung hindi upang magmagaling sa mga tao, at makuha ang kanilang loob? Ito ba ang tunay nilang mukha? Talaga nga bang ang kanilang diwa, disposisyon, at pagkatao ay mapagpakumbaba, mapagtiis, mapagparaya, at kayang magbigay ng tunay na mapagmahal na pagtulong gaya ng ipinakikita nila? Hinding-hindi. Upang makuha ang atensyon ng mas maraming tao, upang makuha ang loob ng mas maraming tao, upang magmagaling sa kanila, upang ang anticristo ang una nilang maiisip kapag mayroon silang isyu, at ang hahanapin nila kapag kailangan nila ng tulong—upang matupad ang mga layuning ito, sinasadya ng mga anticristo na gawin ang mga bagay na mapapahanga sila, sinasabi ang lahat ng tamang salita at ginagawa ang lahat ng tamang bagay. Bago lumabas sa kanilang bibig ang mga salita, malay mo naman kung ilang beses na nilang sinala at binago-bago ang mga ito sa kanilang puso, at sa kanilang isip. Malalim nilang pinag-iisipan, na kinakalkulang mabuti at pinag-aaralan nang husto, ang pagkakagamit ng mga salita, pagkakahanay ng mga ito, at intonasyon, pati na ang ekspresyon ng kanilang mukha at ang kanilang tono habang sinasambit ang mga ito, at isinasaalang-alang nila kung kanino nila sinasabi ang mga salitang ito, kung gaano sila katanda, kung sila ba’y nakababata o nakatatanda sa kanila, kung ano ang iniisip nila tungkol sa kanila, kung may kinikimkim ba silang anumang personal na sama ng loob laban sa kanila, kung magkaparehong-magkapareho ba sila ng personalidad, kung anong uri ba ng posisyon ang hinahawakan nila sa iglesia at sa mga kapatid, kung anong tungkulin ba ang kanilang ginagampanan—ang lahat ng ito’y maingat nilang inoobserbahan at pinag-aaralang mabuti bago bumuo ng taktika kung paano kikilos sa harapan ng iba’t ibang tao. At kahit ano pa ang mga taktikang iyon, may iisang layunin ang anticristo sa kabuuan, kahit sino pa o anong uri pa ng tao ang pinupuntirya nito: upang gawing mataas ang tingin ng taong iyon sa kanya, mula sa mababang pagtingin sa kanya, maging kapantay ang tingin nito sa kanya, hanggang sa maging mataas ang tingin sa kanya, upang pakinggan siyang mabuti ng mga tao kapag nagsasalita siya, at bigyan siya ng panahon at pagkakataong magsalita, upang makuha ang pahintulot ng mas maraming tao kapag may mga bagay siyang ginagawa, upang ipawalang-sala siya ng mas maraming tao kapag nakagawa siya ng mga pagkakamali, at upang panigan siya ng mas maraming tao, ipagtanggol siya, at subukang lumaban at mangatwiran sa Diyos kapag siya’y ibinunyag sa kung ano talaga siya, itinakwil ng sambahayan ng Diyos, at pinalayas sa iglesia. Ipinapahiwatig nito na ang posisyon at impluwensyang sinadya niyang buuin ay malalim na tumimo sa iglesia; malinaw na para ialok ng napakaraming tao ang kanilang tulong, pakikiisa, at pagtatanggol sa kanya kapag pinabagsak siya ay nangangahulugang hindi nauwi sa wala ang kanyang mga pinagsikapan(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Ipinapakita ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga anticristo na nagpapanggap sila bilang mahuhusay na tao para makamit ang paghanga ng iba, at ganito nila inililigaw ang mga ito. Umaasta ako na tulad ng isang anticristo. Gusto ko ng paghanga, kaya noong sinasanay ko si Sister Yang, kahit na napupuno na ang pasensya ko, wala pa rin akong ibang ipinakita kundi pasensya. At nang makita ko ang katiwalian sa mga kapatid, minaliit ko sila, pero nagpapanggap pa rin ako, kailanman ay hindi talaga naglantad sa kahit kanino sa kanila. Natakot akong masira nito ang pagtingin nila sa akin. Nalinlang sila nito kaya patuloy nila akong pinupuri. Nakita kong tuso talaga ako.

Nagsimula akong mag-isip kung bakit hindi ko mapigilan ang pagpapanggap. Anong disposisyon ito? Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, sabi ng Diyos, “Madalas na halata sa panlabas ang panlilinlang. Kapag sinasabing napakamapanlinlang at napakatusong manalita ng isang tao, iyon ay panlilinlang. At ano ang pinakapangunahing katangian ng kasamaan? Ang kasamaan ay kapag partikular na masarap sa pandinig ang sinasabi ng mga tao, kapag tila tama itong lahat, at wala ritong maipipintas, at mabuti kahit sa anumang paraan mo ito tingnan, subalit partikular na masasama ang kanilang mga kilos, at lubhang patago, at hindi madaling makilala. Upang makamit ang kanilang mga lihim na hangarin, madalas silang gumagamit ng ilang tamang salita at mga magagandang pakinggang pananalita, at gumagamit ng ilang doktrina, argumento, at pamamaraan na umaayon sa damdamin ng mga tao upang makapanlinlang; nagkukunwari silang magpunta sa isang daan ngunit ang totoo nagpupunta sila sa isa pa para makamit ang kanilang mga mithiin. Ito ay kasamaan. Karaniwan na itong pinaniniwalaan ng mga tao na panlilinlang. Mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa kasamaan, at bihira rin itong suriin nang mabuti; sa totoo lang ay mas mahirap tukuyin ang kasamaan kaysa panlilinlang, dahil mas nakatago ito, at ang mga sistema at pamamaraang sangkot dito ay mas sopistikado. Kapag may mapanlinlang na disposisyon ang mga tao sa loob nila, karaniwan nang inaabot lamang ng dalawa o tatlong araw bago makita ng iba na mapanlinlang sila, o na ang kanilang mga kilos at salita ay nagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon. Subalit kapag sinabing masama ang isang tao, hindi ito isang bagay na makikilala sa isa o dalawang araw. Dahil kung walang nangyayaring makabuluhan o tiyak sa loob ng maikling panahon, at kung nakikinig ka lamang sa kanyang mga salita, mahihirapan kang tukuyin kung ano talaga siya. Sinasabi niya ang mga tamang salita at ginagawa ang mga tamang bagay, at kayang sumambit ng iba-ibang doktrina. Pagkaraan ng dalawa o tatlong araw na kasama ng gayong tao, iisipin mo na siya ay isang mabuting tao, isang taong kayang isuko ang mga bagay-bagay at gugulin ang kanyang sarili, na nakauunawa ng mga espirituwal na bagay, na may pusong nagmamahal sa Diyos, kumikilos nang may konsiyensiya at katinuan. Ngunit nagsimula kang pagtiwalaan siya ng mga gawain, at napagtanto mo agad na hindi siya matapat, at higit pa nga siyang taksil kaysa mga mapanlinlang na tao—na siya ay masama. Madalas niyang pinipili ang mga tamang salita, mga salitang akma sa katotohanan, na umaayon sa mga damdamin ng mga tao at sa pagkatao, mga salitang magandang pakinggan, at mapanlinlang na mga salita upang gamitin sa pakikipag-usap sa mga tao, sa isang banda, upang maitindig ang kanyang sarili, at sa isang banda, upang makapanlinlang ng iba, upang magkaroon siya ng katayuan at reputasyon sa mga tao, kung saan ang lahat ay madaling nakakagayuma sa mga walang kaalam-alam, sa mga may mababaw na pagkaunawa sa katotohanan, sa mga hindi nakauunawa ng mga espirituwal na bagay, at kulang ng saligan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganito ang ginagawa ng mga taong may masasamang disposisyon(“Nililinlang, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Ipinakita sa akin nito na sa likod ng lahat ng ito, kinokontrol ako ng isang masamang disposisyon, na mas mahirap makita kaysa sa isang tuso. Sinusubukan kong iligaw ang mga tao at kunin ang loob nila para sa mga pansarili kong layunin, kaya gumawa ako ng mga bagay na magmumukhang maganda at mukhang naaayon sa katotohanan, at nalinlang ang iba. Naging gano’n lang ako. Alam kong gusto ng lahat ang mga taong humahanap sa katotohanan at mapagmahal, na sila’y iginagalang sa sambahayan ng Diyos, kaya nagkunwari ako na ganoong klase ng tao. Mukhang handa akong magdusa, magbayad ng halaga, gawin ang aking tungkulin, at maging mapagmahal, at umasta ako na para bang kumikilos ako nang naaayon sa katotohanan, pero ang pakay ko ay hindi para isagawa ang katotohanan. Ito’y para hangaan. Gusto kong magmukhang mabuti sa paningin ng iba, para makuha ang loob nila. Talagang masama ako at kasuklam-suklam. Kung hindi dahil sa paghatol ng mga salita ng Diyos, iisipin ko na ang pagbabalatkayo ay pagiging tuso lamang, pero hindi ko ito makikita na isang masamang disposisyon. Ito’y isang landas na laban sa Diyos. Talagang laban ito. Ako’y labis na ginawang tiwali ni Satanas pero gusto kong palagi akong hangaan at magkaroon ng puwang sa puso ng iba. Kahiya-hiya! Nilikha tayo ng Diyos, kaya dapat natin Siyang sambahin. Diyos lang dapat ang nasa ating mga puso. Pero gusto ko lang okupahin ang puso ng mga tao, nakikipaglaban para sa lugar ng Diyos. Umaasta ako na tulad ng arkanghel. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi malalabag, kaya kung hindi ako magsisisi, alam akong sa huli’y isusumpa ako ng Diyos tulad ng mga Fariseo. Natakot ako rito. Alam kong manganganib ako kung patuloy akong magiging ganoon. Nagpasya akong talikdan ang laman at maging isang simple at tapat na tao.

Pagkatapos noon, nagsumikap akong talikdan ang sarili ko, at nagsimulang maglantad sa mga pagtitipon. Minsan, tinamad ako sa isang video at nagkaroon ng napakaraming problema rito. Nagdulot ng napakaraming pagkaantala sa aming gawain ang pag-ulit nito. Nang sabihin sa akin ng isang sister na naging iresponsable ako at hindi maaasahan, hindi ko ito matanggap at nakipagtalo ako sa kanya sa puso ko. Kalaunan, isang lider ang nangamusta sa kalagayan ko, at naisip ko na kung ikukwento ko ang lahat, baka isipin ng mga kapatid na hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan, na patuloy ko lang na dinedepensahan ang sarili ko. Kung gayon, ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? Tapos malinaw kong nakita na nagpapanggap na naman ako, kaya nagdasal ako, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko. Sabi ng Diyos, “Tuwing natatapos mong gawin ang isang bagay, ang mga bahagi na iniisip mong nagawa mo nang tama ay dapat ipresenta para sa masusing pagsisiyasat—at, higit pa rito, ang bahagi naman na iniisip mo na nagawa mo nang mali ay dapat ding ipresenta para sa masusing pagsisiyasat. Kinakailangan dito na ang mga kapatid ay sama-samang gumugol nang mas maraming panahon na magbahagian, maghanap, at magtulungan sa isa’t isa. Kapag mas maraming pagbabahagi, mas maraming liwanag ang papasok sa ating mga puso; Sa gayon, bibigyan tayo ng Diyos ng kaliwanagan hinggil sa lahat ng ating usapin. Kung wala ni isa sa atin ang magsasalita, at nagpapakitang-tao lamang tayong lahat upang magmukhang mabuti, umaasang makapag-iiwan ng mabuting impresyon sa isipan ng iba at gusto nating maging mataas ang tingin nila sa atin at huwag nila tayong kutyain, kung gayon ay wala tayong paraan para umunlad. Kung palagi kang nagpapakitang-tao upang magmukhang mabuti, hindi ka uunlad, at mabubuhay ka sa kadiliman magpakailanman. Hindi mo rin magagawang makapagbago. Kung hinahangad mong magbago, kung gayon ay dapat kang magbayad ng halaga, itigil ang iyong pagbabalatkayo, at buksan ang iyong puso sa iba, at kapag ginawa mo ang gayon, makikinabang ka at ang ibang tao(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako nito ng isang landas ng pagsasagawa. Kailangan kong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at anuman ang isipin ng ibang tao, kailangan kong maglantad at isagawa ang katotohanan. Sa puntong iyon inipon ko ang lakas ng loob ko na ilantad ang kalagayan ko at ibunyag ang aking katiwalian. Mas gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong gawin iyon, at ang pagbabahagi sa iba ay nakatulong sa akin na maunawaan ang problema ko.

Ipinakita sa akin ng naibunyag noong panahong iyon na mayroon akong tuso at masamang disposisyon. Palagi akong nagpapanggap para hangaan ng iba. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay sa gano’ng paraan, hindi ko kailanman makikita na nasa isang landas ako na laban sa Diyos, na lumalaban ako sa Diyos, at mawawasak ako sa huli. Nakita ko rin kung gaano kaimportante ang ating mga layunin sa paggawa ng mga bagay-bagay, at natutuhan kong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at itama ang aking mga layunin, para talagang maging lantad at tapat. ’Yon lang ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at maghatid ng kasiyahan sa Kanya.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger