Ang Tamang Pag-iisip sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Disyembre 8, 2022

Ni Zhuiqiu, Tsina

Minsan, binanggit sa akin ng isang brother na ang kanyang nakababatang kapatid na babae, si Li Ping, ay isang mananampalataya mula pa noong maliit ito, at sa loob ng maraming taon ay masigasig na nagtrabaho para sa Panginoon, na may tunay siyang pananampalataya. Gusto niyang ibahagi ko ang ebanghelyo sa kapatid niya. Tuwang-tuwa akong pumayag. Pero nang makausap ko si Li Ping, tumayo siya at kabadong sinabing, “Sinabi ng aming pastor na lilitaw ang mga huwad na Cristo sa mga huling araw para linlangin ang mga tao, at anumang balita ng pagbabalik ng Panginoon ay hindi totoo. Nangangaral ka para sa Kidlat ng Silanganan. Hindi ako makikinig. Pwede tayong mag-usap tungkol sa ibang mga bagay, pero huwag mo akong kausapin tungkol sa usapin ng pananampalataya.” Nang makitang lubha siyang nalinlang ng mga tsismis at kasinungalingan ng pastor, sinubukan kong sabihin sa kanya, “Sister, alam mo ba kung ano ang tinutukoy ng ‘Kidlat ng Silanganan’? Malinaw na ipinropesiya ng Panginoong Jesus na, ‘Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). Ang ‘Kidlat ng Silanganan’ ay tumutukoy sa gawain at mga salita ng Diyos. Ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay parang isang dakilang liwanag na lumilitaw sa Silangan, kaya tinatawag na ‘Kidlat ng Silanganan.’ Ang liwanag ng katotohanan na ito ay sumikat na mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Ganap nang natupad ang propesiya ng Panginoon. Siyasatin natin kung ang Kidlat ng Silanganan ay ang pagpapakita at gawain ng Panginoon.” Pero hindi siya nakinig, at sinabing, “Sabi ng pastor namin kung may nangangaral sa paraang naiiba sa amin, hindi kami pwedeng makinig, gaano man ito kagandang pakinggan. Ni hindi kami pwedeng makinig sa sarili naming mga magulang o kapatid, at hindi kami pwedeng magpatuloy ng sinumang mga estranghero.” Tumugon ako, “Sister, sinasabi ng Bibliya, “Huwag maging makakalimutin sa pagpapatuloy sa mga estranghero: sapagkat sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpatuloy ng mga anghel” (Mga Hebreo 13:2). Pero sinabihan tayo ng pastor na huwag na huwag tayong magho-host ng sinumang estranghero. Hindi ito ang kalooban ng Panginoon. Sinabi rin sa Bibliya, ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7). ‘Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, “Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya”(Mateo 25:6). Sinasabi sa atin ng mga propesiyang ito na para masalubong ang Panginoon, kailangan nating makinig sa Kanyang tinig. Kung may nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon, dapat tayong lumabas para katagpuin Siya. Iyan ang tanging paraan para magkaroon tayo ng pagkakataong salubungin ang Panginoon. Kung hindi tayo makikinig o maghahanap kapag may naririnig tayong nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon, mapapalagpas natin ang pagkakataong salubungin Siya!” Pero ayaw niyang makinig at naghanap ng dahilan para umalis. Nalagay ako sa alanganin sa naging ugali ni Li Ping. Kung ayaw niyang makinig, paano ko maibabahagi ang ebanghelyo sa kanya? Pero alam kong hindi iyon ang tamang pag-iisip. Hindi pa nga ako nakapagpatotoo sa pagbabalik ng Panginoon, kaya bakit ako susuko agad? Hangga’t isa siyang tunay na mananampalataya, kailangan kong ibigay ang lahat ng kaya ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanya.

Pumunta kami sa bahay ni Li Ping kalaunan para ibahagi ang ebanghelyo sa kanya, pero isinara niya ang pinto nang makita niya kami at tumangging buksan ito kahit ano pang sabihin namin. Wala kaming nagawa kaya umalis na lang kami. Ilang beses pa kaming pumunta pero ayaw niyang buksan ang pinto, at sinabi niya na, “Sinabi ng pastor namin na gusto ninyong magnakaw ng mga tupa, at dapat naming bugbugin ang sinumang mula sa Kidlat ng Silanganan hanggang sa mamatay, itapon sila sa ilog, o isumbong na lang sila sa mga pulis. Umalis na kayo rito, at siguraduhin n’yong hindi kayo makikita ng pastor namin.” Hindi talaga ako naging komportable sa sinabi niya at gusto ko nang sumuko. Pero no’ng panahong ‘yon, hindi ako sigurado kung ang pagsuko ay naaayon sa kalooban ng Diyos o hindi, kaya tahimik akong nanalangin. Pagkatapos ay sumagi sa isipan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong tuparin ang iyong responsibilidad at makitungo nang masigasig sa lahat ng babahaginan mo nito. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa abot ng makakaya, at dapat mong isaisip ang kalooban ng Diyos, hindi mo dapat lagpasan nang walang ingat ang sinumang naghahanap at nagsasaalang-alang sa tunay na daan. … Hangga’t handa siyang isaalang-alang ang tunay na daan at kayang hanapin ang katotohanan, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para mabasahan pa siya ng mga salita ng Diyos at mabahaginan pa siya ng katotohanan, at mapatotohanan ang gawain ng Diyos at malutas ang kanyang mga kuru-kuro, upang makamit mo siya at madala sa harapan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Napahiya ako nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga tao hangga’t maaari. Hindi susukuan ng Diyos ang isang tao hangga’t may natitira pang pag-asa. Bilang isang taong nagbabahagi ng ebanghelyo, dapat kong ibigay ang lahat ng meron ko. Hangga’t ang isang tao ay umaangkop sa mga prinsipyo, Dapat matiyaga at mapagmahal akong mangaral sa kanya, at tuparin ang aking mga responsibilidad. Iyon ang tungkulin ko. Pero gusto kong umatras at sumuko nang maharap ako sa kaunting paghihirap. Hindi ako naging tapat sa aking tungkulin. Nakonsensya talaga ako nang matanto ko ‘yon. Nanalangin ako at nagpasya na paano man ako tratuhin ni Li Ping, dahil may mabuti siyang pagkatao at isang tunay na mananampalataya, hindi ako susuko, at bibigyan ko siya ng patotoo sa mga salita at gawain ng Diyos, at dadalhin ko siya sa harapan ng Diyos. Noong una kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kung walang mga kapatid na matiyagang nagbabahagi sa katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro ko, malamang na nanatili ako sa relihiyon. Kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko at tuparin ang mga responsibilidad ko. Iyan ang kalooban ng Diyos.

Hindi inaasahan, sa sumunod na pagpunta namin sa bahay ni Li Ping, pinagbuksan niya kami ng pinto. Pero pagkatapos ay hindi niya kami pinansin at ayaw niyang magsalita. Naisip ko na basta’t binuksan niya ang pinto, magkakaroon kami ng pagkakataong magbahagi, na unti-unti niyang mauunawaan ang mga bagay-bagay kung makikinig siya nang kaunti. Sinamantala namin ang pagkakataong ito para magbahagi sa kanya. Sabi ko, “Sister, malaking bagay ang pagsalubong sa pagparito ng Panginoon. Kung hindi natin susundin ang mga salita ng Panginoon, kundi bulag na makikinig sa mga tao kapag sinisiyasat natin ang tunay na daan, malamang na lumaban tayo sa Diyos. Nang magpakita ang Panginoong Jesus at gumawa, ang mga Hudyong mananampalataya ay nakinig sa kanilang mga pinuno ng relihiyon, kinokondena at itinatakwil ang Panginoon kasama nila. Sa huli ay pinarusahan sila ng Diyos. Ang mga lider at pastor ng relihiyon ngayon ay hindi naghahanap o nagsisiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ginagawa pa nga ang lahat ng kanilang makakaya para sarhan ang kanilang mga simbahan at magkalat ng mga kasinungalingan para linlangin ang mga mananampalataya. Sinasabi nila na ang anumang balita ng pagparito ng Panginoon ay hindi totoo, at kahit mismong mga kapatid natin ang magsabi niyan, hindi tayo dapat makinig at dapat iulat sila sa mga pulis. Ang pagsasabi ba nun at pagkilos nang ganoon ay naaayon sa mga turo ng Panginoon? Maituturing bang mananampalataya ang sinumang nagsasabi nang ganoon?” Bumuti nang husto ang kanyang saloobin nang makita niyang totoo ang lahat ng sinabi namin, at naging handang makipag-usap sa amin. Ibinahagi rin niya kung ano ang nakalilito sa kanya: “Binalaan tayo ng Panginoong Jesus na, ‘Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na’ng mga hirang(Mateo 24:23–24). Sa mga huling araw, sa pagbabalik ng Panginoon, magkakaroon ng mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta na magliligaw sa mga tao. Sinabi ng pastor namin na ang anumang pangangaral ng pagbabalik ng Panginoon ay tungkol sa isang huwad na Cristo na nanlilinlang sa mga tao. Hindi kami bihasa sa Bibliya, kaya sinabi niya sa amin na mag-ingat, kung hindi, ang mga taon namin ng pananampalataya ay mauuwi sa wala. Nag-aalala ako sa mangyayari kung mananampalataya ako sa maling bagay.” Agad akong sumagot, “Sister, naiintindihan namin ang takot mo na malinlang. Pero kailangan nating maunawaan ang kalooban ng Panginoon. Sinabi Niya ito para magkaroon tayo ng pagkakilala sa mga huwad na Cristo at hindi nila maloko, hindi para pikit-mata tayong maging mapagbantay laban sa kanila at mabigong salubungin ang Panginoon. Malinaw rin Niyang ipinaliwanag ang mga pagpapamalas ng mga huwad na Cristo. Umaasa sila sa pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan para iligaw ang mga tao. Alam natin ang mga palatandaan ng isang huwad na Cristo, kaya hindi tayo malilinlang hangga’t nag-iingat tayo sa mga ito. Kung mali nating uunawain ang mga salita ng Panginoon at maniniwalang ang anumang patotoo ng pagbabalik ng Panginoon ay hindi totoo, hindi kailanman maghahanap o magsisiyasat, hindi ba’t kokondenahin natin ang sariling pagbabalik ng Panginoong Jesus? Kung gayon, paano natin masasalubong ang Panginoon? Kaya kung gusto nating matukoy kung ito ba ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, ang susi ay makinig sa tinig ng Panginoon at tukuyin ang tunay na Cristo mula sa mga huwad na Cristo. Ang palaging pagiging mapagbantay at pagtanggi sa lahat ay hindi lumulutas sa problema. Ang susi sa pagsalubong sa Panginoon ay ang pakikinig sa Kanyang tinig. Sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20).”

Pagkatapos nun, nagbasa kami ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos sa kung paano matukoy ang tunay na Cristo sa mga huwad na Cristo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga haka-haka ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagparito ni Jesus. Dahil nangyari na ito, magiging mali na muling may pumaritong isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung paparitong muli si Jesus sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga haka-haka ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong ginagaya ng masasamang espiritu, at matapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, ginagaya ito ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa iyo ang tungkol dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon). “Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ibinahagi kong, “Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang pagtukoy sa tunay na Cristo mula sa mga huwad na Cristo ay dapat gawin mula sa gawain ng Diyos, sa mga salita Niya, at sa disposisyong ipinahahayag Niya. Ito ay dahil ang diwa ni Cristo ay ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Pinagkakalooban Niya ang sangkatauhan ng katotohanan at ipinapakita ang disposisyon ng Diyos. Ginagawa Niya ang gawain ng pagtubos at pagliligtas. No’ng gumawa ang Panginoong Jesus, binigyan Niya ang sangkatauhan ng daan ng pagsisisi. Tinuruan Niya tayong magtapat at magsisi, mahalin ang iba gaya ng ating sarili, maging mapagparaya at matiyaga. Nagpakita rin Siya ng maraming tanda at kababalaghan, pinapagaling ang mga maysakit, pinapalayas ang mga demonyo, binubuhay muli ang mga patay, at muling napapalakad ang mga pilay. Nagkaloob Siya ng walang katapusang biyaya sa tao, hinahayaan tayong matikman ang awa at pagmamahal ng Diyos pati na rin ang makita ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Sa huli, ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, tinatapos ang gawain ng pagtubos. Mula sa mga salita at gawain ng Panginoon, at sa disposisyong ipinahayag Niya, makikita natin na Siya ay may banal na diwa, na Siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Ngayon ay nagbalik Siya sa mga huling araw bilang Makapangyarihang Diyos. Ipinahahayag Niya ang katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa sangkatauhan. Mayaman at sagana ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, ibinubunyag ang napakaraming misteryo at katotohanan, tulad ng kung paano tayo makakatakas sa mga gapos ng kasalanan, kung paano hangarin ang pagbabago ng disposisyon at ganap na maliligtas, at kung ano ang kahihinatnan at hahantungan ng tao. Itinuro Niya sa atin ang landas para maligtas at makapasok sa kaharian ng Diyos. Hinahatulan at inilalantad din ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan ng pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ibinubunyag ang mga satanikong disposisyon ng tao na laban sa Diyos, tulad ng pagiging mayabang, tuso, at masama. Ipinakikita rin Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi nalalabag. Ipinapakita sa atin ng Kanyang mga salita ang mga landas sa pagsasagawa at pagpasok, tulad ng kung paano maging matapat na tao, kung paano ilaan ang ating sarili sa ating tungkulin, at kung paano magpasakop sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdanas ng paghatol at pagkastigo Niya, nagbabago ang disposisyon ng Kanyang mga hinirang, at nagkakaroon sila ng maraming karanasan at patotoo. Makikita natin mula sa gawain at mga salita ng Makapangyarihang Diyos na Siya ang Cristo ng mga huling araw, Siya ang Diyos Mismo. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoon. Pero ang mga huwad na Cristo ay masasamang espiritu sa diwa. Hindi nila taglay ang katotohanan, at hindi nila kayang iligtas o dalisayin ang mga tao. Ang magagawa lang nila ay iligaw ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Makikita natin na ang mga huwad na Cristo ay hindi nagtataglay ng diwa ni Cristo at hindi kayang gawin ang gawain Niya. Lahat sila’y tinatawag ang kanilang sarili na Diyos, pero sila’y huwad at pansamantala lamang nilang maloloko ang mga tao.”

Matapos marinig ang aking pagbabahagi, sinabi ni Li Ping, “Napakaganda ng binasa mo—nakakaantig. Hindi kataka-taka na sinabi ng aking pastor na maaakit kami sa sandaling marinig namin ang ipinapangaral mo. Nagustuhan ko talaga ang narinig ko mula sa’yo, pero kailangan ko pa ring pag-isipan ito.” Sumagot ako, “Sister, sa lahat ng taong ito ng pananampalataya, hindi ba’t inaasam natin ang pagbabalik ng Panginoon? Sana’y harapin mo ito nang maingat. Kung palalampasin mo ang pagkakataong mailigtas ng Diyos, magiging panghabambuhay na pagsisisi ito.” Pagkatapos nun, paano man kami magbahagi, hindi siya kumikibo o nagsasalita. Pakiramdam ko’y nahapo ako at naubos na ang pasensya ko. Iniisip ko na dahil ayaw niyang tanggapin ito pagkatapos ng napakaraming pagbabahagi mula sa amin, wala na kaming magagawa. Pero hindi ako komportable sa isiping ‘yon. Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong tungkulin, at ang iyong responsibilidad? Nasaan ang iyong diwa ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matinding diwa ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, paano mo bibigyang-kahulugan ang pagkakasangkapan ng Diyos sa iyo upang maipamuhay mo ang iyong pambihirang buhay? Talaga bang mayroon kang matibay na pasiya at tiwala na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos kung gaano Siya nagdadalamhati at nababalisa, na umaasa Siya na ang lahat ng tunay na mananampalataya sa bawat denominasyon, lahat ng nasa kadiliman, na labis na nananabik sa pagbabalik ng Panginoon, ay maririnig ang tinig ng Diyos sa lalong madaling panahon at magbalik sa Kanyang sambahayan. Pero nang ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, na nalinlang ng kanyang pastor at nakagapos sa mga kuru-kurong panrelihiyon, ay nasa harapan ko mismo, hindi ko magawang matiyagang magbahagi sa katotohanan at gumabay sa kanya. Kaswal ko siyang nililimitahan at sinusukuan ko na siya. Nasaan ang pagmamahal ko at pagpapahalaga sa responsibilidad? Naisip ko kung paanong inaasam-asam ko dati ang pagbabalik ng Panginoon sa araw-araw. Natakot akong malinlang ng isang huwad na Cristo, kaya nang marinig kong may nagpatotoo na nagbalik na ang Panginoon, hindi ako naglakas-loob na siyasatin ito. Isa iyong mahirap na sitwasyon. Maswerte ako na natanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw bago si Li Ping, kaya responsibilidad at tungkulin kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanya. At isa pa, hindi ko tinanggap ang yugtong ito ng gawain agad-agad. Marami rin akong kuru-kuro noong una. Matiyagang nakipagbahaginan sa akin nang paulit-ulit ang mga kapatid bago ako mapalad na lumapit sa harap ng Diyos. Pero hindi ko inilalagay ang sarili ko sa kanyang sitwasyon at hindi iniisip ang mga bagay-bagay mula sa kanyang pananaw. Wala akong pagmamahal at pasensya, at hindi ko tinutupad ang responsibilidad ko. Hangga’t may kaunting pag-asa at meron siyang kagustuhang maghanap at magsiyasat, kailangan kong mag-isip ng anumang paraan para patuloy na makapagbahagi sa kanya. Iyon lang ang pagsasakatuparan sa responsibilidad ko. Nang maisip ko ‘yon sa ganoong paraan, nakisimpatiya ako sa kanya. Isang malaking bagay ang pagsalubong sa Panginoon, may kinalaman ito sa ating huling kahihinatnan. Ang kanyang maingat na pakikitungo ay napakanormal. Ilang beses pa lang akong nagpupunta roon, at nang makitang marami siyang kuru-kuro, ginusto ko nang limitahan siya at sumuko. Sobrang yabang ko at hindi makatwiran. Sumama ang pakiramdam ko at talagang nakonsensya ako nang maisip ko ‘yon. Nanalangin at nanumpa ako sa Diyos na patuloy kong ibabahagi ang ebanghelyo sa kanya at gagawin ko ang aking makakaya para madala siya sa harapan ng Diyos.

Bumalik ako sa bahay ni Li Ping kasama si Sister Cheng Aizhen makalipas ang dalawang araw. Magiliw niya kaming binati pagkakita na pagkakita niya sa amin, sinasabing, “Mga sister, kumain na ba kayo? Kung hindi pa, maghahanda lang ako. Napakalamig ng araw na ‘to—‘wag kayong mahiya.” Nakikitang napakabilis magbago ng ugali niya, nagulat kami ni Aizhen. Nag-aalala ako kung tatanggapin niya kami o hindi. Ang ganap na pagbabago sa kanyang saloobin ay hindi inaasahan. Nang maupo na kami, ibinahagi sa amin ni Li Ping kung ano ang nasa isip niya: “Nakapag-isip-isip ako nitong mga nakaraang araw. Paulit-ulit kayong pumarito para ibahagi sa’kin ang ebanghelyo. Kung ang pananampalataya ninyo ay hindi ayon sa tunay na daan, kung hindi ito nagmumula sa Banal na Espiritu, paano kayo magkakaroon ng ganyan kalaking pagmamahal at pasensya? Napag-isip-isip ko rin na sa lahat ng pagkakataong pumarito kayo, hindi ako nakinig o naging magiliw sa inyo, bagkus pinakinggan ko lang ang pastor ko, natatakot na malinlang ng isang huwad na Cristo. Hindi ko inaabangang marinig ang tinig ng Diyos. Hindi ko sinisiyasat ang inyong patotoo na nagbalik na ang Panginoon, kundi nagtatago lang ako ‘pag nakikita ko kayo. Paano ko masasalubong ang Panginoon nang gano’n? Napakahangal at napakaignorante ko!” Talagang naantig ako nang marinig kong sinabi niya ‘yon at paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang sinabi ng Diyos: “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). No’ng araw na ‘yon, pinag-usapan din namin kung paanong hindi kami makapapasok sa kaharian ng Diyos kung natubos pa lang kami sa kasalanan, nang hindi tinatanggap ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Sabi ko, “Ang pananalig sa Panginoon, pagtatapat at pagsisisi ay nangangahulugan lang na tinutubos tayo ng Panginoon at hindi tayo itinuturing na makasalanan, pero hindi ito nangangahulugan na malaya tayo sa kasalanan. Namumuhay pa rin tayo sa siklo ng pagkakasala at pagtatapat. Kung hindi malulutas ang ating mga tiwaling disposisyon, patuloy tayong magkakasala at lalaban sa Diyos, at hindi tayo makakapasok sa Kanyang kaharian. Sinasabi ng Bibliya, ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). ‘Kayo nga’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal(Levitico 11:45). ‘Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman(Juan 8:34–35). Ang Diyos ay banal at hindi Niya hahayaang madungisan ng maruruming tao ang banal na lupain, pero hindi talaga natin mapigilan ang mga sarili natin na magkasala sa lahat ng oras. Paano tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos kung puno tayo ng katiwalian at nakagapos sa kasalanan? Ang Diyos lang ang makapagliligtas sa atin. Sa mga huling araw, nagpapakita ang Diyos at gumagawa, nagpapahayag ng mga katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol para lutasin ang katiwalian ng sangkatauhan, ganap na palayain ang mga tao mula sa gapos ng kasalanan, at linisin sa atin ang katiwalian upang sa huli ay makapasok tayo sa banal na lupain ng Diyos.” Madamdaming sinabi ni Li Ping, “Kaya kung gusto nating malinis, kailangan nating maranasan ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw, kung hindi, hindi kailanman magbabago ang ating tiwaling disposisyon.” Tuwang-tuwa ako na naunawaan niya ‘yon.

Tapos ay nagbahagi kami kung paano makikilatis ang mga relihiyosong pastor, mga Pariseo. Nagbasa kami ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Masdan mo ang mga lider ng bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para linlangin ang mga tao at dalhin sila sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, ‘Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa aming pananampalataya.’ Tingnan kung paanong kailangan pa rin ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba kapag naniniwala sila sa Diyos at tinatanggap ang tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘magagandang konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Nagbahagi ako, “Malinaw na ibinubunyag ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang kalikasan at diwa ng mga pinuno ng relihiyon na kontra sa Diyos. Noon, wala tayong anumang pagkakilala sa mga pastor. Akala natin, alam na alam nila ang Bibliya, na sila ay may tayog at nauunawaan ang katotohanan, kaya pikit-mata lang tayong nakikinig sa kanila. Sumusunod tayo sa kung anuman ang isinasaayos nila. Itinuturing natin na mas mahalaga ang mga salita ng mga pastor natin kaysa sa Panginoon, at ang isang bagay na kasinghalaga ng pagsalubong sa Panginoon ay kailangan pang may pagsang-ayon nila. Kung wala, hindi tayo mangangahas na hanapin o tanggapin ito, kahit na naririnig natin ang tinig ng Panginoon. Masyadong mataas ang tingin natin sa kanila. Hindi tayo mga mananampalataya o tagasunod. Ngayon ay naipakita sa atin ng mga katunayan na kapag nakakarinig ang mga pinuno sa mundo ng relihiyon ng patotoo sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, hindi nila ginagabayan ang mga mananampalataya na siyasatin ito, kundi nililinlang nila ang mga ito gamit ang lahat ng uri ng kasinungalingan at pinipigilan sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Isa lang ang layon nila: pigilan ang mga mananampalataya na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, panatilihin ang mga itong mahigpit na kontrolado sa kanilang pagkakahawak, at kaladkarin ang mga ito sa impiyerno kasama nila. Makikita natin sa pag-uugali nilang ito na ang kanilang pinakadiwa ay laban sa Diyos, na sila’y mga demonyo na lumalamon sa kaluluwa ng mga tao. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok(Mateo 23:13).” Ang tugon ni Li Ping ay, “Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, na nagpapakita at gumagawa, nagpapahayag ng mga katotohanan, naglalantad sa pagpapaimbabaw ng mga pinunong ito ng relihiyon, hinding-hindi natin makikita ang tunay nilang mukha, ang kanilang pagkukunwari at masamang hangarin, bakus patuloy nila tayong malilinlang. Napakahangal!” Nagbasa si Li Ping ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos pagkatapos nun at sama-sama kaming nagbabahaginan sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, kung bakit nagkatawang-tao ang Diyos para gumawa sa mga huling araw, kung paano danasin ang paghatol ng Diyos para malinis, at iba pang mga aspeto ng katotohanan.

Pagkatapos ng ilang panahon ng paghahanap at pagsisiyasat, naging sigurado siya na ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Pero ang hindi namin inaasahan ay na pagkatapos na pagkatapos niyang makatiyak sa gawain ng Diyos, nalaman ito ng kanyang pastor.

Isang gabi pagkaupo pa lang namin, may narinig kaming apurahang katok sa pinto. Nakakita si Li Ping ng maraming paa sa siwang sa ilalim ng pinto at natatarantang sinabing, “Hala, sinabi nilang ipapahamak nila kayo kapag nahuli nila kayo, at isusuplong kayo sa pulis. Hindi ko pwedeng hayaang makita nila kayo.” Tinago niya kami kaagad, at pagkatapos na pagkatapos nun ay sumambulat ang pito o walong katao. Nag-aapoy sa galit at sabay-sabay na nagsasalita, sinabi nilang, “Nasaan ang mga taong ‘yon? May nakita kaming dalawang tao na pumunta sa bahay mo at hindi pa sila umaalis. Siguradong nandito pa sila. Babaliin namin ang mga braso at binti nila kapag nahuli namin sila.” Mula sa isang maliit na bitak, nakita ko ang masasamang kislap sa kanilang mga mata, na parang mga lobo. Nagsimula silang maghalughog sa buong lugar, sa patyo, sa ilalim ng mga kama, sa kulungan ng baboy, sa bawat sulok at lagusan. Nang makarating sila sa pinagtataguan namin, nagpailaw sila ng mga flashlight kung saan-saan, at nang malapit na sila sa mismong harapan ko ay kumakabog ang puso ko sa takot. Kapag nahanap nila kami, kung hindi nila kami bubugbugin hanggang sa mamatay, iiwan nila kaming baldado. Mabilis akong nagdasal sa Diyos, hindi nangangahas na mawalay sa Kanya kahit isang saglit. Alam kong ang Diyos ang sandigan ko, at anuman ang gawin nila sa akin noong araw na iyon ay nasa mga kamay Niya. Wala silang magagawa sa akin kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos. Sa isiping iyon, hindi na ako masyadong natakot. Naghanap sila sa maraming lugar, pero hindi nila kami nakita. Tapos ay may narinig akong nagsalita, galit na galit, “Kakaiba talaga. Dalawang tao ang tiyak na pumasok sa bahay mo at hindi pa umalis. Bakit hindi namin sila mahanap?” Galit na sinaway sila ni Li Ping, “Nakikita ko sa paraan ng pag-uugali ninyo na hindi kayo katulad ng mga mananampalataya. Pumarito sila para ibahagi ang ebanghelyo, pero para silang pumasok sa lungga ng lobo, nahaharap sa mga pagmumura o pambubugbog. Itinuro sa atin ng Panginoong Jesus na mahalin ang iba gaya ng ating sarili. Batay sa pag-uugali ninyo, hindi man lang kayo kasingbait ng isang hindi mananampalataya. Ngayon ay nakikita ko na talaga kung ano kayo. Kristiyano ba kayo? Mga Pariseo kayo.” Galit silang umalis pagkatapos niyang sabihin ‘yon. Tuwang-tuwa kami ni Aizhen na marinig ‘yon mula sa kanya. Sa wakas ay nagkaroon na siya ng pagkakilala sa mga lider ng relihiyon na ‘yon at hindi na nalilinlang o nagugulo ng mga ito. Pagkaalis nila, madamdaming sinabi ni Li Ping, “Pagkatapos ng kanilang panggagambala ngayon, nakita ko na ang tunay nilang kulay. Sila ay mga anticristo, mga kaaway ng Diyos. Susunod ako sa Makapangyarihang Diyos kahit gaano pa nila ako abalahin.” Talagang naantig ako na marinig na sabihin niya ‘yon, at paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos.

Ang karanasang ‘yon ay nagbigay sa akin ng mas malinaw na pagkakita sa mala-demonyong mukha ng paglaban sa Diyos ng mga lider ng relihiyon. Hindi nila hinahanap o sinisiyasat ang gawain ng Diyos, at nagagalit sila nang husto kapag naririnig nilang may nagpapatotoo sa pagbabalik ng Panginoon, at ipapahamak ang mga ito. Hindi sila mananampalataya. Sila ay mga anticristo, mga Pariseo na sawa na sa katotohanan, na napopoot dito. Nakita ko rin ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos at nagpatibay ito sa aking pananampalataya. Anuman ang mga paghihirap na kakaharapin ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo, hangga’t may potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, dapat akong humugot ng pagmamahal at pagtitiyaga para magpatotoo sa gawain at mga salita ng Diyos upang marinig nila ang tinig ng Diyos at matanggap ang Kanyang pagliligtas sa mga huling araw. Iyon lang ang paraan para matupad ang responsibilidad at tungkulin ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman