Ang Aking Mahirap na Landas Tungo sa Maayos na Pakikipagtulungan

Oktubre 13, 2022

Ni Xincheng, Tsina

Noong Hulyo ng 2020, nahalal ako bilang lider ng iglesia at ipinangasiwa sa akin ang gawain ng iglesia kasama ni Sister Chen. Noong magsimula ako sa tungkuling iyon, wala akong malinaw na pagkaunawa sa maraming prinsipyo at nakikipagtalakayan ako kay Sister Chen sa tuwing may tanong ako. Maluwag sa loob kong tinatanggap ang anumang payong ibinibigay niya sa akin. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimula akong makakuha ng ilang resulta sa tungkulin ko at pakiramdam ko’y may sapat na akong kakayahan sa gawain ko para kumilos nang mag-isa. Pagkatapos nun, kapag nagtatalaga ako ng gawain, inaasikaso ko na lang itong mag-isa nang hindi tinatalakay kay Sister Chen. Kahit na sa ilang sitwasyon kung sa’n dapat magkasama kaming magdedesisyon, ako na mismo ang nagpapasya. Dahil nakikitang hindi ako kumikilos ayon sa prinsipyo, madalas akong paalalahanan ni Sister Chen na itigil ang basta-bastang pagdedesisyon. Minsan ay sinasabi pa niya ito sa harap ng mga diyakono. Pakiramdam ko’y pinag-iinitan niya ako—wala siyang pakialam sa dignidad ko at ipinahihiya niya ako. Kaya medyo lumaban ako sa kanya. Kadalasan kapag tinatalakay namin ang gawain, tinatanggihan niya ang karamihan sa mga ideya ko, at nagiging palaban ako, iniisip na: “Pareho tayong namamahala sa gawain ng iglesia, kaya bakit ikaw dapat ang may huling pasya sa halip na ako? Palagi mong tinatanggihan ang mga ideya ko—hindi ba’t pinalalabas nitong mas magaling ka sa akin? Hindi ba iisipin ng mga kapatid na hindi ako magaling na lider? Paano ko haharapin ang lahat kung ganu’n?” Nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Sister Chen. Pagkatapos nun, kapag tinatalakay namin ang gawain, sa sandaling tanggihan ang ideya ko, tumatahimik na lang ako. Kahit na minsan ay tingin kong tama siya, hindi ako komportableng isiping magpaubaya sa kanya. Sa paglipas ng panahon, tumindi nang tumindi ang pagkiling ko laban kay Sister Chen. Ayoko siyang kausapin, lalong ayokong talakayin ang gawain sa kanya. Naging hadlang talaga ako para sa kanya, at ako mismo ay nakaramdam na sobra akong napipigilan at nasisiil.

Noong Enero ng 2021, dahil sa mga problema sa kalusugan, sa matagal naming kawalan ng kooperasyon, at sa pakiramdam na napipigilan siya dahil sa’kin, nadaig si Sister Chen ng pagiging negatibo kung saan hindi na siya nakabawi at sa huli ay nagbitiw. Noong Oktubre, nagkaroon ng halalan sa iglesia upang punan ang bakanteng posisyon ng lider. Binanggit ng isang nakatataas na lider si Sister Chen, nagtatanong tungkol sa kanyang sitwasyon. Sinabi ng katrabaho kong si Sister Wang na: “Malaki ang ibinuti ng kalagayan niya kamakailan at mas nagdadala na siya ng pasanin sa kanyang tungkulin.” Dahil dito, medyo nag-alala ako: “Mataas yata ang tingin niya kay Sister Chen! Pagkarinig niyan, tiyak na iisipin ng lider na angkop si Sister Chen para sa posisyon. Kung mahahalal talaga siya, hindi ba’t ibig sabihin nun ay magiging magkatrabaho ulit kami?” Sa pagbabalik-tanaw sa panahong nagkasama kami sa trabaho, medyo kinilabutan ako. Naisip ko: “Noon, kapag magkaiba ang opinyon namin sa kung paano magpapatuloy sa trabaho, karamihan sa mga katrabaho namin ay kumakampi kay Sister Chen—walang nakikinig sa akin. Si Sister Chen ay isang napakamakatarungang tao. Kapag napapansin niyang hindi ako kumikilos ayon sa prinsipyo, pinagagalitan niya ako at madalas akong ipinahihiya. Talagang nakayayamot siyang makatrabaho. Mula nang magbitiw siya, lahat ng mga katrabaho ko ay sumusunod sa payo ko. Kung babalik siya, sa kanya lang ba makikinig ang mga katrabaho namin gaya ng dati? Kung lagi niya akong pupunahin, hindi ba’t masisira ang imaheng binuo ko sa mga kapatid?” Nang mapagtanto ko ito, ayoko talagang makatrabaho si Sister Chen. Naisip ko: “Hindi ito maaari, kailangan kong sabihin sa lahat ang tungkol sa katiwalian niya, kung hindi, talagang magiging problema kung mahahalal siya.” Kaya, inilarawan ko ang lahat ng kanyang hindi magandang pag-uugali, pati na kung paano siya nag-alala sa katayuan at hindi nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Sa pag-aalalang hindi ako gaanong naging detalyado, nagbanggit din ako ng ilang halimbawa para patunayan ang aking punto. Nakita ng lider na hindi ko tinatrato nang patas si Sister Chen, kaya’t nagbahagi siya sa akin tungkol sa prinsipyo ng pagtrato sa iba nang patas. Pero hindi talaga ako nakinig. Makalipas ang ilang araw, opisyal nang nagsimula ang halalan at tinanong ako ni Sister Li tungkol sa sitwasyon ni Sister Chen. Naisip ko: “Hindi siya malapit kay Sister Chen at hindi niya ito lubos na kilala, kailangan kong ipaalam sa kanya na hindi angkop si Sister Chen na maging lider, sa ganoong paraan ay hindi niya ito iboboto.” Kaya’t sinabi ko sa kanya ang lahat ng tungkol sa masasamang pag-uugali ni Sister Chen kabilang na ang hindi pagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Pero sa sandaling iyon, kumontra ang isang sister at sinabing: “Hindi nagdala ng pasanin si Sister Chen noon dahil nasa masamang kalagayan siya. Kamakailan ay nabago na niya ang mga bagay-bagay at nagdadala na siya ng pasanin sa tungkulin niya. At saka, matiyaga siyang nagbabahagi at tumutulong sa amin sa mga isyu na hindi namin naiintindihan sa aming mga tungkulin.” Nang marinig ko ito, nabalisa ako: “Bakit ba pinupuri mo nang pinupuri si Sister Chen? Binoto mo na ba siya? Iboboto rin kaya siya ni Sister Li pagkatapos nitong marinig ang sinabi mo? Kung talagang mahahalal siya, magiging magkatrabaho ulit kami. Tapos, hindi ko lamang hindi maitatangi ang sarili ko, kundi itatama rin niya ako sa lahat ng oras. Mas makabubuti kung bagong lider ang pipiliin. Sa ganoong paraan, dahil matagal-tagal na akong lider at nauunawaan ko ang maraming prinsipyo, madalas silang sasang-ayon sa mga opinyon ko at kahit na magkamali ako, hindi nila malalaman at hindi nila ako direktang pupunahin, kaya hindi makukwestyon ang katayuan ko.” Habang mas iniisip ko iyon, lalo kong nararamdaman na hindi ko pwedeng hayaang mahalal si Sister Chen. Kaya agad kong sinabi na walang gaanong karanasan sa buhay si Sister Chen at nagbabahagi lang siya ng kaalaman sa doktrina. Nang sabihin ko ‘yon, nakita kong tumango si Sister Li, at medyo gumaan ang pakiramdam ko, iniisip na hindi na siguro iboboto ni Sister Li si Sister Chen. Nagulat ako, nagtabla si Sister Chen at ang isa pang sister para sa pinakamaraming boto. Lalo pa akong nag-alala na mahahalal si Sister Chen at magsisimulang magtrabaho ulit kasama ko.

Makalipas ang ilang sandali, tinanong ako ng lider: “Batay sa kakayahan ni Sister Chen, karapat-dapat siyang maging isang lider. Kung talagang mahahalal siya, ano ang mararamdaman mo?” Dahil sa tanong na iyon ay nag-alala akong baka talagang ihahalal nila si Sister Chen, kaya dali-dali kong sinabi: “Walang gaanong karanasan sa buhay si Sister Chen at may malubha siyang tiwaling disposisyon….” Nahalata ng lider kung gaano ako katutol kay Sister Chen at muli akong inilantad, sinasabing: “Napapansin mo lang ang mga kahinaan ng mga tao at kailanman ay hindi mo napapansin ang mga kalakasan nila, kaya hindi ka makapagtatrabaho nang maayos kasama ang kahit sino. Masyado kang nagiging mayabang….” Tinamaan ako nang husto pagkarinig sa “Hindi ka makapagtatrabaho nang maayos kasama ang kahit sino.” Pakiramdam ko’y natuklasan ng lider ang lahat ng mga layunin ko, at tiyak na hindi maganda ang iisipin niya sa’kin. Parehong nagustuhan ng mga kapatid at ng mga lider si Sister Chen, kaya paano ko ipagpapatuloy ang paggawa sa tungkulin ko? Sumama talaga ang loob ko at ayoko nang maging lider. Naisip ko: “Kung napakagaling ni Sister Chen, ihalal niyo na lang siya.” Kaya sinabi ko sa lider: “Wala akong mabuting pagkatao at hindi ko kayang makipagtulungan kaninuman. Pakiramdam ko’y hindi ko na kayang gawin ang tungkuling ito. Sa tingin ko’y dapat kang pumili ng ibang lider na papalit sa akin.” Nagbahagi sa akin ang lider, sinasabing: “Hindi ko sinasabing napakayabang mo para limitahan ka, kundi para pilitin kang hanapin ang katotohanan at lutasin ang tiwali mong disposisyon….” Pagkarinig nito, napagtanto ko na ibinubunton ko ang galit ko sa aking tungkulin at kumikilos ako nang salungat sa Diyos. Medyo nahiya ako at hindi mapakali. Pero sa tuwing maiisip kong makakatrabaho ko si Sister Chen, nababagabag talaga ako. Ayokong harapin ang sitwasyong ito, kaya nagdahilan akong may iba akong gawain at umalis. Talagang nalungkot ako— napagtanto kong nagrerebelde ako sa Diyos at itinago na Niya ang Kanyang mukha sa akin. Iniiwasan ko ang sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa akin. Kung hindi ko babaguhin ang mga bagay-bagay, tiyak na kasusuklaman ako ng Diyos at mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Medyo natakot ako, kung kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko, may aral na mapupulot sa sitwasyong isinaayos Mo para sa akin ngayon. Mali na iwasan at labanan ko ito, pero hindi ako sigurado kung paano pagninilayan at uunawain ang aking sarili. Pakiusap, gabayan Mo po ako upang maunawaan ko ang Iyong mga layunin at matuto ako ng aral sa gitna nito.” Pagkatapos ng panalangin, medyo mas napayapa ako.

Kinabukasan ay inanunsyo ang resulta ng halalan: Nahalal si Sister Chen bilang lider, pero hindi ako gaanong naapektuhan sa balita. Pinagnilayan ko ang sarili ko: Lagi kong pinupuna ang katiwalian at mga kakulangan ni Sister Chen, pero hindi ko kailanman binanggit ang mga kalakasan at talento niya. Hindi ba’t ibinubukod ko siya? Kaya’t naghanap ako ng mga sipi ng mga salita ng Diyos ukol sa mga anticristo na pumipigil at nagbubukod sa mga sumasalungat sa kanila. May isang partikular na sipi na talagang tumagos sa’kin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Paano ibinubukod at inaatake ng mga anticristo ang mga naghahangad ng katotohanan? Madalas silang gumagamit ng mga pamamaraan na sa tingin ng iba ay makatwiran at wasto, nakikipagdebate pa nga sila tungkol sa katotohanan para magkaroon ng bentahe, para maatake, makondena, at malinlang nila ang ibang mga tao. Halimbawa, kung sa palagay ng isang anticristo ay naghahangad ng katotohanan ang kanyang mga kapareha at maaaring maging banta sa kanyang katayuan, tatalakayin niya ang matatayog na doktrina at espirituwal na teorya para linlangin ang mga tao at maging mataas ang tingin sa kanya ng mga ito. Sa gayong paraan ay maaari niyang hamakin at supilin ang kanyang mga kapareha at katrabaho, at iparamdam sa mga tao na, ‘Bagama’t ang mga kapareha ng ating lider ay mga taong naghahangad ng katotohanan, hindi sila kapantay ng ating lider pagdating sa kakayahan at abilidad. Ang mga sermon ng ating lider ay matatayog, at walang sinumang makapapantay.’ Para sa isang anticristo, ang marinig ang gayong uri ng komento ay lubhang kasiya-siya. Tinitingnan niya ang kanyang mga kapareha at iniisip, ‘Hindi ka ba isang taong naghahangad ng katotohanan? Wala ka bang ilang realidad ng katotohanan? Bakit hindi mo ito maipaliwanag nang malinaw? Kung mayroon kang abilidad, umakyat ka sa entablado at magsalita. Napahiya ka na nang husto ngayon. Wala kang abilidad, pero nangangahas kang makipagkompitensya sa akin?’ Iyan ang iniisip ng anticristo. Ano ang layon ng anticristo? Nais niyang umisip ng paraan para manupil, manghamak, at maiangat ang kanyang sarili sa ibang mga tao. Ganito tinatrato ng isang anticristo ang lahat ng naghahangad ng katotohanan o mga nakakatrabaho niya. … Dagdag pa sa masasamang gawang ito, gumagawa ang mga anticristo ng isang bagay na mas kasuklam-suklam pa, iyon ay na lagi nilang sinisikap na malaman kung paano magkakaroon ng bentahe sa mga naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, kung nakipagtalik ang ilang tao sa hindi nila asawa o nakagawa sila ng kung anong iba pang paglabag, sinusunggaban ng mga anticristo ang mga ito bilang bentahe para maatake sila, humahanap ng mga pagkakataon para insultuhin, ilantad, at siraan sila, bansagan sila para pahinain ang kasigasigan nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin upang maging negatibo ang pakiramdam nila. Isinasanhi rin ng mga anticristo na magkaroon ng diskriminasyon ang mga taong hinirang ng Diyos laban sa kanila, iwasan sila, at itakwil sila, nang sa gayon ay mahiwalay ang mga naghahangad ng katotohanan. Sa huli, kapag ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay naging negatibo at mahina na ang pakiramdam, hindi na aktibong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon, natupad na ang layon ng mga anticristo. Kapag ang mga naghahangad ng katotohanan ay hindi na banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, at wala nang nangangahas na iulat o ilantad sila, maaari nang mapanatag ang mga anticristo. … Bilang buod, batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, maaari nating tukuyin na hindi sila gumaganap ng tungkulin ng pamumuno, dahil hindi nila pinangungunahan ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahaginan sa katotohanan, at hindi nila tinutustusan ang mga ito ng buhay, na nagtutulot sa mga ito na matamo ang katotohanan. Sa halip, ginagambala at ginugulo nila ang buhay-iglesia, nilalansag at sinisira ang gawain ng iglesia, at hinahadlangan ang mga taong nasa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Nais nilang iligaw ang mga taong hinirang ng Diyos at mawalan ang mga ito ng pagkakataong mapagkalooban ng kaligtasan. Ito ang pinakatunay na makasalanang layon na nais makamtan ng mga anticristo sa pamamagitan ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan). Talagang tinamaan ako nang matindi sa siping ito ng mga salita ng Diyos. Inilalantad ng Diyos kung paano pinipigilan at ibinubukod ng mga anticristo ang iba, hinahanapan ng mali at hinahamak ang mga naghahanap ng katotohanan, upang patatagin ang kanilang sariling katayuan. Hindi ba’t ganoong-ganoon ang pagtrato ko kay Sister Chen? Noong panahon ng halalan, nang makita ko kung gaano kaganda ang tingin ng lahat kay Sister Chen, naisip ko noong nagkatrabaho kami, kung paanong sinunod ng lahat ang payo niya at nakuha niya ang lahat ng atensyon. Madalas din niyang ipinaaalam ang mga pagkakamali ko, kaya napapahiya ako. Nag-alala ako na kung mahahalal siya, sa kanya lang makikinig ang mga kapatid at siya lang ang hahangaan nila, at walang susunod sa payo ko. Kaya nataranta ako at aktibong itinanggi ang mga kakayahan niya at pinalaki ang kanyang mga nakaraang kaso ng katiwalian. Sinabi ko na wala siyang gaanong karanasan sa buhay at hindi niya hinahanap ang katotohanan, sinusubukang linlangin ang lahat na magkaroon ng mga pagkiling laban sa kanya para hindi nila siya iboto. Nang mapansin ng lider ang isyu ko at punahin ako sa hindi patas na pagtrato sa mga tao, nakita kong hindi ko nakuha ang gusto ko, at hindi ako naging makatwiran at ginusto kong iwanan ang aking tungkulin. Ang lahat ng sinabi ko ay puno ng mga tuso at lihim na motibo. Ang lahat ng ito ay para protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Anong ipinagkaiba niyon sa mga anticristo na umaatake sa mga naghahanap ng katotohanan upang patatagin ang katayuan nila? Nagkaroon ng agarang pangangailangan ng talento sa gawain ng iglesia, at kahit na nagpakita si Sister Chen ng mga tanda ng katiwalian at may mga pagkukulang siya, nagkaroon siya ng pagkaunawa sa katarungan at nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Hinahanap niya ang katotohanan kapag nahaharap siya sa mga isyu at isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, kaya naabot niya ang mga kwalipikasyon ng isang lider. Pero nag-alala ako na magiging banta siya sa katayuan ko sa paningin ng iba, kaya sinubukan kong hamakin at ibukod siya nang wala ni kaunting pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Hindi ko man lang pinag-iisipan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko ginagampanan ang tungkulin ko. Inaabala at ginagambala ko ang gawain ng iglesia; gumagawa ako ng masama! Nang mapagtanto ko ito, bigla kong naramdaman na talagang kakila-kilabot ang mga kilos ko. Noon, lagi kong iniisip na ang pagbubukod at pagpaparusa sa mga tao ay mga kilos ng isang anticristo, pero ngayon ay napagtanto ko na ako rin ay may anticristong disposisyon at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kung hindi ako magsisisi, malalantad at mapalalayas ako ng Diyos. Sa pagkatanto nito, medyo kinilabutan ako, pero naunawaan ko rin na umaasa ang Diyos na sa pamamagitan ng pagwawasto at paglalantad, magninilay-nilay at magsisisi ako, at hahanapin ko ang katotohanan para malutas ang aking tiwaling disposisyon. Dapat talaga akong makipagtulungan kay Sister Chen para magawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Pagkatapos nun, nagtapat ako sa mga kapatid ko tungkol sa aking katiwalian para magkaroon sila ng pagkakilala sa mga naunang pahayag ko at para tratuhin nila nang maayos si Sister Chen. Tumigil na ako sa pagbubukod at paglaban kay Sister Chen nang makita ko siya, at aktibo siyang kinumusta, nagtalakay ng gawain at nakipagtulungan sa kanya. Unti-unti, naging mas maayos na ang pakikisama namin sa isa’t isa, at mas lumuwag ang pakiramdam ko. Lalo na nang sa isang pagtitipon ay narinig kong napakapraktikal magsalita ni Sister Chen tungkol sa kanyang karanasan kamakailan, at nang maisip ko kung paano ko siya paulit-ulit na hinadlangang maging lider at halos gumawa na ako ng masama, lalo pa akong nagsisi at nakonsensya.

Kalaunan, nagpatuloy ako sa paghahanap sa katotohanan at pagninilay sa pinagmulan ng isyung ito. Nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang katayuan at reputasyon ay higit pa sa mga normal na tao, at nasa loob ng kanilang disposisyon at diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng isang anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at wala nang iba. Para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ang kanyang buhay, at ang kanyang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanyang ginagawa, ang una niyang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanyang iniisip, na sapat na patunay na mayroon siyang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi niya isasaalang-alang ang mga problemang ito. … Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, nakikita nila ang paghahangad ng katayuan at reputasyon na katumbas ng pananampalataya sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Masasabi na sa mga puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang pananalig sa Diyos at ang paghahangad ng katotohanan ay ang pagsisikap para sa katayuan at reputasyon; ang paghahangad ng katayuan at reputasyon ay ang paghahangad din ng katotohanan, at ang pagkakamit ng katayuan at reputasyon ay ang pagkakamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang karangalan o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o gumagalang sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananampalataya sa Diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon magkaroon sila ng tinig sa iglesia, ng reputasyon, upang makinabang sila, at magkaroon ng katayuan—madalas nilang pinag-iisipan ang gayong mga bagay. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung gaano kasakim ang mga anticristo sa reputasyon at katayuan, at kung paanong ang lahat ng ginagawa nila ay tumutulong sa kanilang paghahangad sa kapangyarihan. Gusto nilang sundin sila ng lahat at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ang totoo, ginagawa nila ang lahat ng ito para magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian, nakikipagkompetensya sila sa Diyos para sa mga mananampalataya at gusto nilang sambahin sila ng mga tao. Nakita ko kung paanong ang mga ipinamalas ko ay katulad ng sa mga inilantad ng Diyos: Lagi kong sinisikap na linangin ang imahe ko sa mga mata ng iba, naghahangad ng katayuan, nagnanais na magkaroon ng huling salita at maging sentro ng atensyon ng lahat. ‘Pag may dumarating na mas may talento kaysa sa’kin, itinuturing ko siyang banta sa katayuan ko, inaatake at ibinubukod ko siya. Gano’n ko tinrato si Sister Chen. Sa pag-aalala na hindi ko maitatangi ang sarili ko kung siya ang mapipiling lider, pinalaki ko ang kanyang nakaraang katiwalian para linlangin ang iba na huwag siyang iboto. Umasa pa nga ako na bagong kapareha ang mahahalal. Sa ganoong paraan, dahil mas matagal na akong naging lider, anuman ang sabihin o gawin ko, kahit na hindi ito nakaayon sa prinsipyo, hindi ito mapapansin ng bago kong kapareha at hindi niya ako ilalantad o pagsasabihan. Pwede akong mangibabaw sa iglesia, masusunod ang anumang sabihin ko at magagawa ko ang anumang naisin ko. Talagang sumusobra na ang mga ambisyon at hangarin ko. Nagtatayo ako ng nagsasarili kong kaharian! Para pangalagaan ang sarili kong katayuan, pinigilan ko pa nga ang iba. May pagkakaiba ba ito sa pag-atake at pagbubukod ng CCP sa mga sumasalungat sa kanila? Para mapanatili ang kanilang awtokratikong pamumuno at mapasamba at mapasunod sa kanila ang lahat, ginagamit nila ang kanilang awtoridad para pigilan at alisin ang anumang nagbabanta sa kanilang katayuan at mga interes. Tinatrato ko si Sister Chen tulad ng pagtrato ng CCP sa kanilang mga biktima. Hindi talaga ako makapaniwala na naging ganoon ako kasama sa ngalan ng katayuan. Bilang isang lider ng iglesia, dapat akong makipagtulungan sa mga naghahangad sa katotohanan para matapos ang gawain ng iglesia, at madala ang mga kapatid sa harap ng Diyos. Pero ang iniisip ko lang ay reputasyon at katayuan— walang puwang sa puso ko para sa atas ng Diyos, at wala akong takot sa Diyos. Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, pero pinigilan ko pa rin ang mga tao dahil sa mga pagkiling alang-alang sa aking katayuan, talagang binigo ko Siya at nagsanhi ng Kanyang pagkasuklam!

Kalaunan, natanto ko na may isa pang dahilan kung bakit ko pinipigilan at ibinubukod si Sister Chen: Paulit-ulit niya akong inilalantad at ipinahihiya. Nakita ko ang sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kalagayang ito: “Ano ang dapat mong gawin kung nais mong iwasan ang landas ng mga anticristo? Dapat kang aktibong mapalapit sa matutuwid na tao na nagmamahal sa katotohanan. Dapat kang mapalapit sa mga taong makapagbibigay sa iyo ng payo, at maaaring magsabi ng katotohanan at pumuna sa iyo kapag may natutuklasan silang problema, at lalo na sa mga taong maaaring magpungos at magwasto sa iyo kapag may natutuklasan silang problema. Ito ang mga taong maaaring maging malaking pakinabang sa iyo, at dapat mo silang pahalagahan. Kung tatanggihan mo ang ganitong uri ng mabuting tao at ilalayo mo sila sa iyong paningin, mawawala sa iyo ang proteksyon ng Diyos, at unti-unting lalapit ang kasawian. Kung mapapalapit ka sa mabubuting tao at sa mga nakakaunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kaligayahan, at makakaiwas sa kasawian. Kung mapapalapit ka sa mga taong mas mababa, sa mga walang kahihiyan at mambobola, nanganganib ka. Bukod sa malamang na maloko ka at madaya, maaari pang sumapit sa iyo ang kasawian anumang oras. Dapat mong malaman kung sino ang may pinakamalaking pakinabang sa iyo. Ang isang taong ipinapaalam sa iyo kapag gumagawa ka ng mali, at kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at sinusubukan mong linlangin ang iba, ay ang uri ng taong may pinakamalaking pakinabang sa iyo, at ang pagiging malapit sa kanya ang tamang landas. Magagawa ba ninyo iyan? Kung may sinabi ang isang tao na nagpapahiya sa iyo, nagtatanim ka ng habambuhay na sama ng loob sa kanya at sinasabi mong, ‘Bakit mo ako inilantad? Hindi naman kita pinakitunguhan nang masama; bakit palagi mo ako pinahihirapan?’ Nagtatanim ka ng sama ng loob sa puso mo, na lumilikha ng salungatan, at pakiramdam mo palagi na, ‘Bilang isang lider, nasa posisyon at katayuan ako para pagbawalan kang sabihin iyan.’ Ano ba ang pagpapahayag na iyan? Pagpapahayag iyan ng hindi pagtanggap sa katotohanan, at pakikipagkompitensya sa iba, at medyo hindi ito makatwiran. Hindi ba ito isang alalahanin sa pagmamalabis sa katayuan? Nagpapakita ito ng isang napakatinding tiwaling disposisyon. Ang mga tao na palaging labis na inaalala ang katayuan ay mga tao na may matinding disposisyon ng isang anticristo, at bukod doon, kung kaya nilang gumawa ng masama, agad silang mailalantad. Ang mga taong tinatanggihan ang katotohanan at hindi matanggap ang katotohanan ay nasa malaking panganib. Ang laging pakikipaglaban para sa katayuan at pagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan ay isang tanda ng napipintong panganib. Kung ang puso ng isang tao ay laging kontrolado ng katayuan, maisasagawa ba niya ang katotohanan at makakakilos ba siya ayon sa prinsipyo? Kung hindi naisasagawa ng isang tao ang katotohanan, at laging gumagawa ng mga bagay upang magtamo ng katanyagan at katayuan, at laging kumikilos nang sinasamantala ang kanyang kapangyarihan, hindi ba malinaw na isa siyang anticristo na nagpapakita ng kanyang tunay na kulay?(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Matapos basahin ang siping ito, napagtanto ko na hindi ako inilalantad at itinutuwid ng mga kapatid para pagtawanan, hamakin o ipahiya, kundi para tulungan akong makilala ang sarili ko. Kapaki-pakinabang ito sa buhay ko at sinisiguro nitong hindi ako mapupunta sa maling landas. Naisip ko kung paanong noong nakaraang taon nang makatrabaho ko si Sister Chen, direkta niya akong inilantad pagkatapos mapansin na masyado akong nagiging mayabang at kumikilos nang pabasta-basta. Buong pagmamahal niya akong sinusuportahan. Ang pagkakaroon ng isang taong tulad niya sa tabi ko para mangasiwa sa akin ay kapaki-pakinabang sa aking pagpasok sa buhay. Pero, noong panahong iyon, hindi ko ito itinuring na mula sa Diyos at hindi ko naunawaan ang mabubuting layunin ni Sister Chen. Pakiramdam ko lang ay ipinahihiya niya ako sa direktang paglalantad at pagwawasto sa’kin, kaya nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya at ibinukod ko siya. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng aking anticristong disposisyon. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Dapat akong gumugol ng mas maraming oras kasama ng mga taong matapat at prangka na naghahangad sa katotohanan, at kapag nakagawa ako ng mali at nakalabag sa prinsipyo, dapat kong talikuran ang katayuan at reputasyon at makinig sa kanilang mga iniisip. Makatutulong ito na matiyak na hindi ako gagawa ng masama. Naisip ko kung paanong, kahit na isa akong lider ng iglesia, marami pa ring mga isyu ang hindi ko nauunawaan. Dahil kontrolado tayo ng ating tiwaling disposisyon, hindi natin maiiwasang makapagdulot ng ilang paggambala at pag-abala sa ating mga tungkulin. Kaya magagawa lang natin nang mabuti ang ating mga tungkulin at maisasakatuparan ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng pakikipagtulungan nang maayos sa iba at pagtulong at pagsuporta sa isa’t isa. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagtapat ako kay Sister Chen at humingi ng tawad sa kanya, sinasabi sa kanya ang buong kwento kung paano ko siya inatake at pinigilan. Nang marinig iyon, hindi bumaba ang tingin sa’kin ni Sister Chen o napoot sa akin tulad ng inakala ko, bagkus ay nagbahagi lamang siya ng kanyang sariling karanasan para tulungan ako. Sa pamamagitan ng pagtatapat at pagbabahagi ay naisantabi namin ang aming mga pagkiling.

Isang beses kalaunan, napabayaan ko ang ilang pangkalahatang gawain dahil abala ako sa ibang mga proyekto, at pagkalipas ng dalawang buwan ay saka ko lang naalala na magdaos ng pagtitipon kasama ang mga humahawak sa pangkalahatang gawain. Si Sister Yang, na siyang namamahala sa pangkalahatang gawain, ay diretsahan akong pinuna: “Dalawang buwan kang hindi nakipagtipon sa amin, hindi mo nalutas ang mga naging problema namin sa aming mga tungkulin, kung kaya negatibong naapektuhang lahat ang mga buhay namin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang mga lider at manggagawa na nagtatalaga ng gawain at pagkatapos ay hindi ito pinamamahalaan ay mga huwad na lider.” Nang marinig kong sabihin itong ng sister, halo-halo ang naramdaman ko: “Nagtanong ako tungkol sa kalagayan ninyo nitong dalawang buwan, hindi nga lang madalas. At saka, naging abala kasi ako sa ibang gawain. Hindi mo ako pwedeng tawagin na huwad na lider dahil lang diyan! Paano mo ako aasahang patuloy na mangungumusta sa gawain ninyo kapag ganyan ang sinasabi mo? Kung mahuhuli mo akong gumagawa na naman ng mali, at isusumbong mo ako sa mga nakatataas na lider bilang isang huwad na lider, hindi ba’t mawawala ang katayuan ko? Hindi ito maaari, hindi kita mahahayaang mangasiwa ng gawain sa hinaharap.” Pero pagkatapos, naisip ko kung paano ko inatake at ibinukod si Sister Chen noong nakaraang buwan, at heto na naman ako, ayaw hayaan si Sister Yang na mangasiwa ng gawain pagkatapos magpahayag ng kanyang opinyon. Hindi ba’t inaatake at ibinubukod ko pa rin ang mga may naiibang pananaw? Noon din, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Dapat kang mapalapit sa mga taong makakapagsabi sa iyo ng katotohanan. Napakaraming pakinabang ng pagkakaroon ng gayong uri ng tao sa tabi mo, lalo na iyong mga naglalakas-loob na punahin at ilantad ka matapos nilang malaman na may problema sa iyo. Mapipigilan kang maligaw kapag may gayong uri ng mabuting tao sa tabi mo. Kung matutuklasan nila na nakagawa ka ng isang bagay na labag sa mga prinsipyo ng katotohanan, pupunahin ka nila kung kinakailangan, at ilalantad ka kung kinakailangan, anuman ang iyong katayuan. Ganyan ang isang matuwid na tao na may pagkaunawa sa hustisya. Paano ka man nila ilantad at punahin, lahat ng ito ay makakatulong sa iyo; lahat ng ito ay pangangasiwa at pagpapayo sa iyo. Dapat kang mapalapit sa gayong uri ng tao. Kapag nasa tabi mo ang gayong uri ng tao para tulungan ka, mas ligtas ka. Iyan ang proteksyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Nang maalala ko ang mga salita ng Diyos, unti-unti akong kumalma. Naging medyo malupit si Sister Yang, pero sinasabi niya ang totoo. Nung panahong iyon, hindi ko talaga naunawaan ang kalagayan niya at nalutas ang kanyang mga isyu. At talagang malubhang naapektuhan ang buhay niya. Bilang isang lider ng iglesia, responsibilidad ko na manatiling nakasubaybay sa kalagayan ng mga tao at lutasin ang kanilang mga isyu—hindi ko pwedeng iwasan ang responsibilidad na ‘yon kahit gaano ako kaabala. Pero hindi ako nagpakita ng anumang malasakit kay Sister Yang at nang binigyan niya ako ng ilang mungkahi, ginusto ko siyang gantihan ng atake dahil inakala kong mapapahiya ako. Napakasama ko talaga! Nang iwasto ako ni Sister Yang, pinangangasiwaan niya ang gawain ko at isinasagawa ang katotohanan. Kung aatakihin at gagantihan ko siya, lalabanan ko ang katotohanan at makagagawa ako ng masama! Nang mapagtanto ko ito, lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Mahal kong Diyos, napagtanto ko na may masama akong kalikasan. Para hindi mapahiya at para maingatan ang reputasyon ko, ginusto kong atakihin at gantihan si Sister Yang. Ito ay pagpaparusa sa mga tao. O Diyos, ayoko nang kumilos ayon sa aking tiwaling disposisyon. Handa na akong isagawa ang katotohanan at tanggapin ang mga mungkahi ni Sister Yang.” Pagkatapos magdasal, nakonsensya ako sa naging pakikitungo ko kay Sister Yang at ninais kong humingi ng tawad, pero sa gulat ko, unang humingi ng tawad sa akin si Sister Yang, sinasabing medyo nawala siya sa lugar at nagsalita nang may tiwaling disposisyon. Humingi rin ako ng tawad kay Sister Yang, sinabi ko: “Tama ka. Talagang hindi ako nagsagawa ng praktikal na gawain at dapat ko itong pagnilayan.” Nadama ko na ang paglalantad at pagtulong sa akin ng mga kapatid ay para mapagtanto ko na hindi ako nakagawa ng praktikal na gawain. Ito ay nagmula sa Diyos at proteksyon ng Diyos para sa akin. Salamat sa Kanya!

Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na labis akong ginawang tiwali ni Satanas at masyado akong naging sakim sa reputasyon at katayuan. Upang hindi mapahiya at mapanatili ang aking posisyon, pinigilan at ibinukod ko pa nga ang mga tao. Sobra itong kasuklam-suklam at masama. Napagtanto ko rin na anuman ang sitwasyong kinahaharap natin, dapat nating pagtuunan ang pagninilay at pagkilala sa ating mga sarili at paghahanap sa katotohanan para malutas ang ating mga tiwaling disposisyon. Saka lamang natin maiiwasan ang paggawa ng masama at paglaban sa Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman