Mga Pagninilay sa Pagsunod sa Isang Tao Habang Nananalig sa Diyos

Nobyembre 28, 2022

Ni Xiaolu, Tsina

Noong Nobyembre 2018, pumunta si Li Juan, isang nakatataas na lider, sa iglesia namin para pangasiwaan ang aming gawain. Noong panahong iyon, isang miyembro ng iglesia ang nagpapakalat ng mga pagkiling laban sa mga lider at bumubuo ng paksyon para gambalain ang iglesia. Nakipagbahaginan kami sa kanya nang maraming beses, pero hindi siya nagsisi. Hindi kami sigurado kung dapat namin siyang tukuyin bilang isang anticristo, kaya tinanong namin si Li Juan. Gumamit si Li Juan ng mga katotohanan tungkol sa kung paano makilala ang mga anticristo para makipagbahaginan sa amin kung paano matukoy ito, binibigyan kami ng landas pasulong. Nalaman ko rin sa mga usapan namin na noong bagong lider pa si Li Juan, nilutas niya sa loob lamang ng dalawang linggo ang ilang kaguluhan sa iglesia na hindi nalutas ng iba sa loob ng dalawang buwan. Ngayon bilang isang nakatataas na lider, napangasiwaan na niya ang gawain ng maraming iglesia at nalutas ang marami sa mga isyu ng mga ito. Bago ko namalayan, nagsimula na akong tingalain siya. Pagkatapos nun, nagkaroon kami ng partner ko ng mga isyu na hindi namin maunawaan, kaya hinintay namin na dumating si Li Juan para bigyan kami ng gabay. Makalipas ang isang buwan, sa wakas ay bumalik siya sa iglesia namin. Ibinahagi ko kaagad ang mga isyu at paghihirap na aming kinakaharap at mabilis niya ulit na naayos ang mga bagay. Talagang hinangaan ko si Li Juan pagkatapos ng ilang pakikipag-ugnayan sa kanya. Pakiramdam ko’y karapat-dapat siyang maging isang nakatataas na lider, na nauunawaan niya ang katotohanan at may pagkakilala. Ang mga problemang hindi ko talaga malutas ay madali para sa kanya na asikasuhin. Umasa ako na mas madalas siyang makakapunta para gabayan kami. Sa gulat ko, natanggal si Li Juan makalipas ang dalawang buwan. Siya ay mayabang at mapandikta sa kanyang gawin at hindi tinatanggap ang katotohanan. Nakakagambala siya sa gawain ng iglesia. Hindi ko akalain ang pagkakatanggal niya, pero naisip ko rin na makakabuti ito para sa kanya. Kung makikilala niya ang kanyang sarili at magbabago, pwede siyang tumanggap muli ng mahalagang gawain. Kaya kahit natanggal siya, hindi nagbago ang puwang na hawak niya sa puso ko.

Makalipas ang ilang buwan, ako at si Li Juan ay inatasan ng iglesia na mangasiwa sa gawain ng paglilinis. Tuwang-tuwa ako. Gusto kong samantalahin ang pagkakataong iyon para matuto pa mula sa kanya. Kalaunan kapag tinatalakay namin ang mga usapin, palagi siyang nakakahanap ng mga nauugnay na prinsipyo na maibabahagi at nakakahanap ng mga solusyon. Madalas din niyang ikuwento ang tungkol sa pagiging lider niya matapos lang ang maikling panahong umanib siya sa pananampalataya, kung paano umunlad ang gawain dahil sa kanyang pagsusumikap, kung paano niya nakilala ang sarili niya pagkatapos ng kanyang pagkatanggal, at sinabing binibigyan siyang muli ng iglesia ng mahalagang gawain. Nang marinig ko ang lahat ng ito, lalo ko siyang tiningala, at lagi ko siyang pinupuntahan para sa mga katanungan ko. Lagi siyang may sagot. Sa paglipas ng panahon, huminto ako sa pagtutok sa pagdarasal at paghahanap sa Diyos sa aking tungkulin, kundi umasa ako kay Li Juan sa lahat, iniisip na anuman ang sabihin niya ay tama. Pero no’ng panahong ‘yon, masyadong mataas ang tingin ko sa kanya. Bulag ko siyang inidolo, at halos sumunod ako sa kanya sa paggawa ng isang malaking kasamaan.

Isang araw, nalaman ko na dati, noong si Zhang Ping ay isang lider, nagsabi siya ng mapanghusgang mga bagay sa kanyang pamilya tungkol sa partner niya, dahil may pagkiling siya laban dito. Pagkatapos ay inulit ng pamilya niya ang mga bagay na ‘to sa isang pagtitipon ng grupo. Tinukoy ng lider ng iglesia si Zhang Ping bilang isang anticristo dahil lang sa bagay na iyon. Pakiramdam ng pamilya niya na ang pagharap dito sa ganoong paraan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo, kaya sumulat sila ng liham para iulat ito. Pero tinukoy ng lider ng iglesia na ang buong pamilya ni Zhang Ping ay isang grupo ng mga anticristo at ibinukod sila. Nang tingnan ang mga dokumento ng pagtitiwalag kay Zhang Ping, nakita kong namumuhay lamang siya sa loob ng isang tiwaling disposisyon at nagsabi ng ilang mapanghusgang bagay. Hindi siya nakikipaglaban para sa katayuan o nagtatatag ng sarili niyang kaharian—hindi siya isang anticristo. Isinulat ng kanyang pamilya ang liham ng ulat na iyon para lamang tukuyin ang isang problema, pero hindi sila bumuo ng paksyon at ginambala ang gawain ng iglesia. Hindi sila dapat tinawag na mga anticristo. Isa pa, nakipag-ugnayan ako kay Zhang Ping ilang taon bago iyon nangyari. Ayos naman ang pagkatao niya at hindi siya mukhang masamang tao. Inisip ko kung nagkamali ba ang lider sa pagtawag sa kanya na anticristo at pagtitiwalag sa kanya. Hindi maliit na isyu ‘yon. Gusto kong hingin ang tulong ni Li Juan na pag-isipan itong muli. Pero ang nakakagulat, napakadeterminado niyang sinabing, “Mapanghusga si Zhang Ping sa kanyang partner, at masamang gawa ‘yon. Nagsalita ang pamilya niya para sa kanya, kaya grupo sila ng mga anticristo. Pwede nating tingnan kung gumawa sila ng iba pang masasamang bagay.” Pakiramdam ko ay hindi tamang magsalita siya nang tapos nang ganoon, pero naisip ko kung ganoon katiyak si Li Juan, siguradong nauunawaan niya ang mga bagay-bagay. Kung sabagay, naglingkod siya bilang isang nakatataas na lider, marami na siyang karanasan, at may mahusay na pagkakilala. Tiyak na alam niya ang katotohanan at mas nakikita niya ang mga bagay kaysa sa akin. Kaya binago ko ang tono ko, sinabing, “Ilang taon na akong hindi nakikipag-ugnayan kay Zhang Ping. Hindi ko alam kung may nagawa siyang iba pang kasamaan. Siyasatin natin ito at pagkatapos ay magpasya.” Hindi nagtagal ay nakakuha ako ng karagdagang impormasyon tungkol kay Zhang Ping. Wala siyang ibang ginawang kasamaan, at pagkatapos husgahan ang kanyang partner ay nagnilay-nilay siya at nakilala ang kanyang sarili. Hindi nagpakalat ng panghuhusga ang pamilya niya kahit saan o hinimok ang iba na ipagtanggol si Zhang Ping. Batay sa kanilang pag-uugali, hindi sila dapat tinukoy bilang mga anticristo at itiniwalag. Mapanghamak talaga siya at inisip na ang pagtukoy kay Zhang Ping bilang isang anticristo ay hindi mali. Sinabi rin niya, “Kung mag-iiwan tayo ng mga anticristo sa iglesia at patuloy silang gumagawa ng masama at nakakagambala, may parte tayo sa kanilang kasamaan!” Isa pang sister ang hindi rin sumang-ayon kay Li Juan. Sinabi rin niya na hindi sila isang grupo ng mga anticristo, kundi nagpakita lamang ng kaunting katiwalian, at dapat namin silang ibalik sa iglesia. Kumpiyansa pa ring sinabi ni Li Juan, “Kahit pa hindi isang anticristo si Zhang Ping, siya ay isang masamang tao. Siniraan niya ang kanyang katrabaho sa kanyang pamilya at ibinahagi ‘yon ng kanyang pamilya sa isang pagtitipon at pagkatapos ay nagsulat ng isang liham ng ulat. Hindi ba ‘yon panggagambala sa iglesia? Hindi natin sila pwedeng tanggapin muli, kundi kailangan nating alamin pa ang kanilang kasamaan.” Pero medyo nag-alinlangan ako matapos marinig ang sinabi ni Li Juan. Dahil masyado siyang nakakasiguro na dapat itiwalag si Zhang Ping, limitado ba ang pananaw ko tungkol dito? Masamang tao ba talaga si Zhang Ping? Matagal nang naging lider si Li Juan, kaya tiyak na mayroon siyang mas malawak na pananaw sa mga bagay-bagay kaysa sa’kin. Naisip kong kulang ako sa pagkakilala at pwede kaming patuloy na magsiyasat kung ano ang nagawa ni Zhang Ping. Kaya, kahit na hindi ako lubos na komportable, pinatibay ko ang loob ko at pinausisa pa sa mga kapatid ang tungkol dito. Talagang hindi ako mapalagay pagkatapos kong isaayos ‘yon, at nagdilim ang puso ko. Hindi ko talaga mailarawan ang pakiramdam. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na makilala ang sarili ko sa pamamagitan nito, at magawang kumilos nang naaayon sa Kanyang kalooban.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos kong manalangin: “Bawat iglesia at bawat indibiduwal ay minamasdan ng Diyos. Gaano man karaming tao ang gumaganap ng isang tungkulin o sumusunod sa Diyos sa isang iglesia, sa sandaling lumayo sila sa mga salita ng Diyos, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila mararanasan ang gawain ng Diyos, at sa gayon sila—at ang tungkuling ginagampanan nila—ay wala nang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos, sa kasong ito ay naging isang relihiyosong grupo na ang iglesiang ito. Hindi ba ninyo masasabi na nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan habang tinutupad ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Anuman ang ipagawa sa kanila ng mga tao, iyon ang ginagawa nila. Pakiramdam nila, ang pagdarasal sa Diyos tungkol sa kanilang mga problema at paghahanap ng katotohanan ay malabo at mahirap, kaya naghahanap sila ng isang simple at madaling solusyon. Iniisip nila na ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at napakapraktikal, kaya nga ginagawa na lamang nila ang sinasabi ng ibang mga tao, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng mga ito sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang kalooban at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pag-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan). Ipinakikita ng mga salita ng Diyos na kapag wala Siyang puwang sa puso ng isang tao, hindi nito hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, kundi nakikinig lang sa ibang tao at sinusunod ang kanilang mga plano. Hindi ‘yon pananalig sa Diyos, at hindi kinikilala ng Diyos ang ganoong uri ng pananampalataya. Hindi ba’t iyon mismo ang kalagayan ko? Sa usapin ng pamilya ni Zhang Ping, sabi ni Li Juan, sigurado siyang grupo sila ng mga anticristo. Pakiramdam ko’y hindi iyon naaayon sa mga katunayan, pero iginalang ko siya nang husto, hindi ko hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Sinunod ko kung ano man ang sinabi niya sa akin. Napagtanto ko mula sa mga resulta ng aming pagsisiyasat na hindi wasto ang pagkakatukoy sa kanila, pero nang makitang mapilit si Li Juan, lubos kong binalewala ang sarili kong mga pananaw. Kahit na hindi ako komportable, hindi ko pa rin hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Pinilit ko na lang ang sarili ko na gawin ang sinabi ni Li Juan. Walang puwang ang Diyos sa puso ko. Paano iyon naging pananampalataya? Palala nang palala ang pakiramdam ko. Palagi kong itinuturing ang sarili ko na isang tunay na mananampalataya. Hinding-hindi ko akalain na sasambahin at susundan ko ang isang tao. Nabalisa ako. Nasuklam na sa akin ang Diyos, kaya kung hindi ako magsisisi, mapapalayas talaga ako. Natakot ako sa isiping ito, kaya nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na gabayan ako na baguhin ang aking kalagayan, na hanapin ang katotohanan at magawang tratuhin si Zhang Ping at ang kanyang pamilya sa maprinsipyong paraan.

Pagkatapos nun, naghanap ako ng mga nauugnay na prinsipyo ng katotohanan na may kinalaman sa isyu ni Zhang Ping, at natutunan ang kaibahan sa pagitan ng isang anticristo at isang taong may karaniwang tiwaling disposisyon. Ang pangunahing katangian ng mga anticristo ay itinuturing nila ang kapangyarihan bilang buhay, at laging gustong kontrolin ang mga hinirang ng Diyos. Pinarurusahan nila ang mga tao para makakuha ng kapangyarihan. Gumagawa sila ng napakaraming kasamaan, at lubhang ginagambala ang gawain ng iglesia. Isa pa, ang mga anticristo ay masasamang tao sa diwa na walang-walang pagkatao. Hindi sila nakokonsensya, lalo nang hindi nagsisisi, gaano man karaming kasamaan ang kanilang nagawa. Ang mga karaniwang tiwaling tao ay ‘di maiwasang magsalita at gumawa ng mga bagay para sa karangalan at katayuan, pero may katwiran at konsensya sila, kaya nilang tanggapin ang katotohanan at magnilay-nilay sa sarili. Matapos tahakin ang maling landas, kaya nilang magsisi sa pamamagitan ng pagwawasto ng mga kapatid at ng pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos. Tulad ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kahit sino pa siya, gaano man karaming kasamaan ang nagawa niya, o gaano man kalaking mga pagkakamali ang nagawa niya, anticristo man siya o isang taong may disposisyon ng isang anticristo, natutukoy ito batay sa kung nagagawa ba niyang tanggapin ang katotohanan, kung nagagawa ba niyang tumanggap ng pagpupungos at pagwawasto, at kung tunay ba siyang nagsisisi. Kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tumanggap ng pagpupungos at pagwawasto, tunay na nagsisisi, at masayang iniaalay ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos, may kaunting intensyon nga siyang magsisi, at ang gayong tao ay hindi dapat ituring na anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Ngayon alam ko na sa puso ko na hindi anticristo si Zhang Ping, at ang pamilya niya ay hindi isang grupo ng mga anticristo. Hindi ako pwedeng patuloy na mag-alinlangan at pikit-matang makinig sa isang tao.

Nagpatuloy ako sa paghahanap. Nang magkaiba ang pananaw namin ni Li Juan sa mga bagay-bagay, bakit hindi ko hinanap ang mga prinsipyo kundi pikit-mata na lang na sumunod sa kanya? Ano ang ugat ng problema? Naalala ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita ko na sumasamba at sumusunod ako sa isang tao dahil sa pananampalataya ko, hindi si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, kundi sinasamba ko ang katayuan at kapangyarihan. Dahil isang nakatataas na lider si Li Juan at mayro’n siyang ilang magagandang solusyon kapag nangangasiwa sa gawain, inakala kong alam niya ang katotohanan kaya tiningala ko siya, hinangaan siya. Kaya wala akong sariling mga ideya o opinyon sa aming pagtutulungan. Ginagawa ko ang anumang sabihin niya, lubos na itinuturing ang kanyang mga salita bilang katotohanan. Kahit na sa isang bagay na kasinghalaga ng kung dapat matiwalag si Zhang Ping at ang kanyang pamilya, pikit-mata kong sinunod si Li Juan, na nagpaantala sa pamilyang iyon na maibalik sa iglesia at naantala ang kanilang pagpasok sa buhay. Pinahahalagahan ng Diyos ang buhay ng bawat tao. Ang mga inaapi ng mga huwad na lider ay hindi nakapamumuhay ng buhay-iglesia nang matagal. Namumuhay sila sa kadiliman, walang magawa at nasa pasakit. Ngunit hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos—hindi ko inaako ang responsibilidad para sa pagpasok sa buhay ng iba. Sa usapin ng pamilya ni Zhang Ping, palagi akong nakikinig sa isang tao. Labis akong naguguluhan. Kung wala ang espirituwal na kadiliman at pasakit na ‘yon, hindi sana ako magigising, kundi patuloy na gagawa ng mali. Nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi, “Diyos ko! Ayokong patuloy na idolohin at sundan ang isang tao. Gusto ko pong parangalan Ka bilang dakila at kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan.” Nang makita ko si Li Juan kalaunan, ibinahagi ko sa kanya ang aking opinyon, at maikli niyang sinabi, “Pag-usapan natin’to mamaya.” Tapos iniba niya ang paksa. Nakikita kong kumakapit siya sa sarili niyang pananaw at walang pakialam sa buhay ng iba. Nagalit ako. Nagpasya ako na kahit anong mangyari, kailangan kong sabihin sa lider namin ang tungkol sa sitwasyon ng pamilya ni Zhang Ping. Dumating ang lider para isakatuparan ang ilang gawain makalipas ang ilang araw at ibinunyag na naging mapandikta si Li Juan sa gawain ng paglilinis, na basta-basta niyang tinukoy ang mga tao salungat sa mga prinsipyo, lubhang ginagambala ang gawain ng iglesia, at tinanggal nito si Li Juan. Lumalabas na sa kaso ni Zhang Ping, alam na alam ni Li Juan na mali siya, pero ayaw niyang aminin ito. Personal niyang isinaayos ang mga tao na kumuha ng impormasyon kay Zhang Ping para hanapan ito ng mali, determinadong maitiwalag ito at ang pamilya nito bilang mga anticristo. Galit na galit ako. Para protektahan ang kanyang katayuan, wala siyang pakialam sa buhay ng mga kapatid. Napakasama nito. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong kasama ko si Li Juan, palagi niyang ikinukwento ang pagsisikap niya, kaya itinuring ko siyang isang taong naghahanap sa katotohanan. Hindi ko sinuri ang mga motibo at diwa ng kanyang mga kilos batay sa katotohanan. Ang tunay na pagbabahagi ng karanasan ay nangangahulugang pagtatalakay sa kung ano ang natutuhan mo sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, anong mga katotohanang natutuhan mo, at kung paano mo isinagawa ang katotohanan para palugurin ang Diyos. Pero hindi makapagsalita si Li Juan tungkol sa tunay na pagkaunawa. Ang mga panahon ng pagdurusa na ikinukwento niya ay lahat para itaas at patotohanan ang sarili niya, para makakuha ng paghanga. Nasa landas siya ng anticristo. Tapos nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala kay Li Juan at lalo kong kinasuklaman ang sarili ko. Matagal na akong mananampalataya, pero hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Tiningnan ko lang ang mga kaloob at kakayahan ng mga tao, at sinamba ang katayuan at kapangyarihan. Muntik ko nang sinunod si Li Juan sa paggawa ng masama, itinitiwalag nang hindi tama ang mga tao. Napakabulag at napakahangal ko! Nagsimula akong matakot sa isiping iyon.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kapag ang isang tao ay napili ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o pagkakakilanlan o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataas lamang ng ranggo at paglilinang sa pinakatuwirang paraan, at hindi katumbas nito na itinadhana at pinatunayan na siya ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatuwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat na siyang lider, o mahusay na lider, na kaya na niyang gawin ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikita ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito, at tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggong ito na umaasa sa kanilang mga imahinasyon, pero isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon pa silang maaaring nanalig, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang realidad ng katotohanan? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsibilidad? Taglay ba nila ang pananagutan? Kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang pusong may takot sa Diyos ang mga taong ito? At gaano kalaki ang takot nila sa Diyos? Malamang bang sundin nila ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, regular at madalas ba silang humaharap sa Diyos para alamin ang kalooban ng Diyos? Nagagabayan ba nila ang mga tao sa pagpasok sa realidad ng katotohanan? Tiyak na wala silang kakayahan sa gayong mga bagay agad-agad. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at napakakaunti ng kanilang karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos. … Ano ang saysay ng pagsasabi Ko nito? Para sabihin sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang pagtataas ng ranggo at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito. Natural, dapat ay maging makatotohanan din ang mga tao sa kanilang opinyon tungkol sa kanila. Kahangalan ang magbigay ng sobrang pagpapahalaga o pagpipitagan sa kanila, ni hindi makatao o makatotohanan ang maging lubhang mabagsik sa inyong mga hinihingi sa kanila. Kaya ano ang pinakamakatwirang paraan ng pakikitungo sa kanila? Ang isipin na sila ay mga ordinaryong tao at, kapag may problemang kailangang saliksikin, makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng isa’t isa at punan ang isa’t isa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang mapili bilang lider ay hindi nangangahulugang alam ng taong ‘yon ang katotohanan at magagawa niya nang sapat ang kanyang tungkulin. Tiwali rin siya. Maaari siyang sumunod sa kanyang mga kapritso at karanasan, at lumabag sa mga prinsipyo. Kailangan nating makilala ang mga tao ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi bulag na sumunod kaninuman. Higit pa riyan, kahit na nakapagbibigay-tanglaw ang pagbabahagi ng mga lider sa katotohanan, kaliwanagan iyon ng Banal na Espiritu at kailangan itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi tayo dapat bulag na sumasamba at sumusunod sa isang tao. Kung may mga pagkakamali o pagkalingat sa gawain ng isang lider, o kung nilalabag niya ang anumang mga prinsipyo ng katotohanan, dapat itong harapin nang tama. Pwedeng magbigay ng mga payo at tulong nang may pagmamahal para makapagbago siya at gumawa ng mga bagay ayon sa prinsipyo. Pero dahil sinamba ko ang katayuan at kapangyarihan, nagkamali ako sa pag-aakalang dahil isa siyang nakatataas na lider, siguradong mas alam ni Li Juan ang katotohanan kaysa sa’kin. Napakamali ng iniisip ko. Matagal na siyang naging lider at may karanasan sa gawain, nakakapagsalita siya ng ilang doktrina at nalulutas ang ilang isyu, pero hindi ibig sabihin n’on na naiintindihan niya ang katotohanan. Kung susuriin si Li Juan sa pananaw na ‘to, ang kanyang pagbabahagi at pagkaunawa ay kadalasang magandang pakinggan, at sinabi niya na kapag hindi natin naiintindihan ang mga bagay, dapat nating hanapin ang katotohanan, hindi kumapit sa sarili nating mga pananaw. Pero sa harap ng mga problema, palagi niyang sinusunod ang gusto niya. Ni ayaw niyang tanggapin ang mga mungkahi ng iba at hindi man lang siya naghanap. Nagsasalita lang siya tungkol sa doktrina, nang walang anumang realidad. Wala siyang anumang pagninilay o pagkaunawa sa kanyang mapagmataas at satanikong kalikasan, at handang basta-bastang itiwalag ang mga tao para mapanatili ang kanyang katayuan. Malinaw na isa siyang huwad na lider at anticristo.

Naibalik si Zhang Ping at ang kanyang pamilya sa iglesia pagkatapos n’on. Nang maisip ko kung paanong hindi nila nagawang mamuhay ng buhay-iglesia sa loob ng mahigit dalawang buwan at ang lahat ng espirituwal na pasakit na siguradong dinanas nila, sumama ang pakiramdam ko na hindi ko mailarawan. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil hindi ko hinahanap ang katotohanan, kundi nakikinig lang sa isang tao. Kung hinanap ko ang mga prinsipyo ng katotohanan at ibinalik sila kaagad sa iglesia, hindi sana maaantala ang kanilang pagpasok sa buhay. Napagtanto ko sa puntong ‘yon na ang bulag na pagsamba sa isang tao ay nagsasanhing malamang na makagawa ka ng masama at malabanan ang Diyos kasama sila. Kinasuklaman ko rin kung gaano ako kabulag at naguguluhan, na sinundan ko ang isang tao sa paggawa ng napakalaking kasamaan. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos kalaunan: “Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang paniniwala sa Diyos ay ang magtiwalang mayroong Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, sundin Siya, tanggapin ang Kanyang kapamahalaan, mga pagsasaayos, at mga paghahanda, pakikinig sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; tanging ito lamang ang totoong paniniwala sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Pagsampalataya sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na sa pananampalataya, ang pagkatakot sa Diyos, paggalang sa Kanya bilang dakila, at paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan ay ang pinakapangunahing dapat nating itaguyod. Kahit sino man ito, basta’t naaayon sa katotohanan ang sinasabi niya, sundin mo ito. Matatag na tanggihan ang anumang mula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Lahat ay dapat sumusunod sa mga salita ng Diyos. Iyan ang tunay na pananampalataya, tunay na pagsunod sa Diyos. Salamat sa Diyos! Nalinawan ako sa aking hinaharap na landas ng pagsunod sa Diyos.

Isang araw, nang tinatalakay ko ang pagsasanay sa mga tao kasama ang lider ng iglesia na si Sister Mingyi, binanggit niya na nagagawa ni Sister Zhao Xunzhen na kilalanin ang sarili kapag may mga nangyayari, at praktikal ang pagbabahagi niya sa katotohanan, kaya pwede siyang linangin bilang superbisor ng gawain ng pagdidilig. Pero sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Xunzhen, nalaman kong wala siyang kakayahan at walang dalisay na pagkaunawa sa katotohanan. Talagang pasibo siya sa kanyang tungkulin at hindi nakakakuha ng magagandang resulta sa loob ng maraming buwan. Hindi siya mabuting kandidato. Pero dahil inirerekomenda siya ni Mingyi, napaisip ako kung mali ba ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Matagal nang lider ng iglesia si Mingyi, kaya siguradong mas higit ang pagkakilala niya kaysa sa’kin. Naisip ko na dapat kong sundin ang sinabi niya. Pero nakonsensya ako nang isipin ko ‘yon nang gano’n. Napagtanto ko na nakatuon ako sa katayuan ni Mingyi at sa mga taon na naglingkod siya bilang lider. Hindi ba’t sinasamba ko ang katayuan at kapangyarihan, muling sumusunod sa isang tao? Naisip ko ang usapin kay Zhang Ping at sa kanyang pamilya. Ang mga kahihinatnan ng pagsamba ko sa kapangyarihan at hindi pagtataguyod ng mga prinsipyo ay nakababahala para sa akin. Isang pagsubok mula sa Diyos ang muling pagharap sa ganitong bagay. Kung hindi ko pa rin maitataguyod ang mga prinsipyo, at tutulungang ipromote ang isang di-angkop na tao, maaantala n’on ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Lider si Mingyi, pero hindi ‘yon nangangahulugan na alam niya ang katotohanan o lubos na nauunawaan ang mga tao. Ang mungkahi niya ay isang bagay lang na pwede kong ikonsidera. Kailangan kong pag-isipan kung dapat linangin si Xunzhen batay sa mga prinsipyo. Kalaunan, nangolekta ako ng ilang pagsusuri kay Xunzhen, na nagkumpirmang wala siyang kakayahan at hindi gumagawa ng praktikal na gawain, kaya hindi siya mabuting kandidato. Ibinahagi ko ang opinyon ko kay Mingyi at sumang-ayon siya. Dama ko sa puso ko na ang tanging paraan para maging payapa ay ang hindi bulag na sumunod sa sinuman, kundi ang magsagawa ng katotohanan. Mahigit tatlong taon na ang nakalipas pagkatapos ng pangyayari kay Zhang Ping at sa kanyang pamilya, pero nakaukit ‘to sa puso ko. Ipinakita sa’kin ng di-malilimutang aral na ‘to ang mga kahihinatnan ng pagsunod sa isang tao habang nananampalataya. Naranasan ko rin na ang paghahanap sa katotohanan at paggawa ng mga bagay ayon sa katotohanan ang tanging paraan para sumunod sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply

Kontakin Kami Gamit ang Messenger