Pagpupursige sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa Gitna ng Matinding Pagdurusa

Nobyembre 25, 2024

Ni Yi Ting, Tsina

Noong Hunyo 2022, sinabi ng lider na ang isang iglesia ay sinalakay kamakailan lang ng CCP, at ngayon ay hindi epektibo ang gawain nila ng ebanghelyo, kaya gusto ng lider na papuntahin ako roon bilang isang superbisor. Binanggit din ng lider na lima o anim na manggagawa sa ebanghelyo ang naaresto, at kailangang mabilis na linangin ang mga bagong tauhan. Medyo nag-alala ako, iniisip na, “Tinutugis na ako ng CCP, at dalawang beses na akong muntik mahuli. Kapag pumunta ako roon at inilantad ang sarili ko, mamanmanan ba ako at huhulihin ng mga pulis? Kapag naaresto ako, pinahirapan, binugbog hanggang mamatay, o hindi ko nakayanan ang pamimilit at panunuhol ng pulisya, at ipinagkanulo ko ang Diyos, ganap na magwawakas ang paglalakbay ko sa pananalig sa Diyos.” Habang iniisip ito, ayokong sumang-ayon, pero para bang nakokonsensiya ako, iniisip na, “Nananampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, pero pagdating sa ganito, palagi ko pa ring isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes. Tunay akong mapaghimagsik! Hindi ko maaaring patuloy na protektahan ang sarili kong mga interes.” Dahil dito, nagpasakop ako at tinanggap ang tungkuling ito.

Pagkarating sa iglesia, nalaman kong hindi epektibo ang gawain ng ebanghelyo dahil ang lahat ng manggagawa sa ebanghelyo ay namumuhay sa isang kalagayan ng pagkakimi. Mabilis kong natagpuan ang ilan sa mga salita ng Diyos para ibahagi sa mga kapatid, tinutulungan silang maunawaan ang mga katotohanan gaya ng awtoridad ng Diyos, na nasa kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng tao, at na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ang aming misyon. Matapos marinig ito, lumakas ang pananalig ng lahat, nakilala nila ang kanilang kababaan at pagkamakasarili, nakaramdam sila ng pagsisisi, at handang baguhin ang mga bagay-bagay at maayos na makipagtulungan sa gawain ng ebanghelyo. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos. Paglipas ng ilang panahon, bumuti ang gawain ng ebanghelyo. Pero di-inaasahan, makalipas ang limang buwan, ilang kapatid pa ang natunton at naaresto. Inimbestigahan din ng pulisya ang sister na tinutuluyan namin sa aming mga pagtitipon. Pagkatapos, nagpadala ng liham ang lider na sinasabing naaresto ang lahat ng mga katrabaho na nakakausap ko kailan lang, at nasa panganib din ako ngayon, at kailangan ko nang umalis kaagad. Pagkatapos mabasa ang liham, medyo nataranta ako, iniisip na, “Kailan lang, halos palagi kong kasa-kasama ang mga katrabahong ito, nagpapalaganap kami ng ebanghelyo. Ngayong naaresto na silang lahat, kung susuriin ng mga pulis ang kanilang surveillance records, siguradong mahahanap nila ako. Kailangan kong magtago! Hindi ko hahayaang mahuli ako ng pulisya!” Naisip ko kung paano taon-taon na pumupunta ang mga pulis sa bahay ko para magtanong tungkol sa kung saan-saan ako nagpupunta, at na kung talagang mahuhuli nila ako ngayon, siguradong hindi nila ako pakakawalan. Kung hindi ko makakayang tiisin ang pagpapahirap at pamimilit nila at maipagkanulo ko ang Diyos, sa huli, hindi lang katawan ko ang mapaparusahan, kundi mapupunta rin ang kaluluwa ko sa impiyerno. Kaya naisip ko na ang pinakamahalaga ay ang magtago at protektahan muna ang sarili ko. Mabilis kong ipinasa ang lahat ng follow-up na gawain sa lider, kahit na alam kong may mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na nangangailangan ng pangangaral ko at may mga baguhan na nangangailangan ng pagdidilig ko, pinilit kong hindi isipin ang mga ito.

Kalaunan, nabalitaan ko na maraming kapatid ang nagpapalaganap ng ebanghelyo at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at tiningnan ko ang sarili ko, na sa takot na arestuhin ay hindi nangahas na ipalaganap ang ebanghelyo o magpatotoo sa Diyos. Tinanong ko ang aking sarili kung hindi ba ako isa sa masasamang damo na nabunyag sa panahon ng matinding pagdurusa? Habang mas lalo ko itong iniisip, mas lalong sumasama ang loob ko. Hindi ako makakain o makatulog, at nagmuni-muni ako, “Bakit ako nananampalataya sa Diyos? Kasalukuyan na akong namumuhay ng isang kahabag-habag na buhay para maiwasang maaresto ng mga pulis, at sa panahong kailangang palawakin ang ebanghelyo, hindi ako nagpursige at wala ako kahit anong patotoo. Tunay kong pinababayaan ang aking tungkulin!” Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang ilantad ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano malalantad ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananampalataya sa Akin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Bigla akong pinukaw ng mga salita ng Diyos. Totoo, gusto ng Diyos ang katapatan at pagpapasakop ng mga tao, at nangangailangan din ng katapatan ng mga tao ang pagtalo kay Satanas. Pero pagkatapos malaman na inaresto ang mga katrabaho ko, nag-alala akong susuriin ng mga pulis ang surveillance records nila at mahahanap nila ako, kaya nagtago ako, isinaalang-alang ang sarili kong kaligtasan, at isinantabi ko ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo nang walang pakialam o anumang pagpapahalaga sa responsabilidad. Labis na lumubha ang kalamidad, pero hindi pa nakakarinig ng ebanghelyo ng Diyos ang ilan sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at hindi pa napapalagay sa iglesia ang mga baguhan at nanganganib nang umalis, pero inabandona ko sila nang walang anumang pakialam. Tunay na hindi ako karapat-dapat pagkatiwalaan. Palagi kong sinasabi na dapat akong maging tapat sa Diyos, pero nang maharap sa mga katunayan, nabunyag ako. Kasinungalingan ang mga sinabi ko noon para linlangin ang Diyos. Gusto ng Diyos ng mga taong kayang makinig sa mga salita Niya, at yaong kayang maging tapat sa Diyos sa lahat ng oras, pero inabandona ko ang tungkulin ko at nagtago ako noong naharap sa kaunting panganib, walang pakialam kung maaapektuhan ang buhay ng mga baguhan. Nakita ko na wala akong katapatan o patotoo sa gitna ng matinding pagdurusa at mga pagsubok. Isa akong kabiguan sa Diyos! Naisip ko si Job, na ninakawan ng mga tulisan ng napakarami niyang kayamanan sa loob lang ng isang gabi, at napuno ng mga pigsa, na may asawang hinimok pa siya para abandonahin ang Diyos, pero mas pinili niya pang isumpa ang kanyang sarili kaysa sisihin ang Diyos sa gayong masasakit na pisikal at mental na mga pagsubok, at nanindigan siya sa kanyang patotoo, na pinapahiya at tinatalo si Satanas sa dulo. Naisip ko rin si Abraham, na sa sariling niyang mga kamay ay nagtaas ng kutsilyo para patayin ang kanyang anak na lalaki para ialay sa Diyos, na nagpapakita ng ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung ikukumpara, wala akong katapatan o pagpapasakop. Kinailangan kong magsisi sa Diyos, sundin ang mga halimbawa nina Job at Abraham, at kahit mahuli ako, pahirapan, at mawalan ng buhay, kailangan kong manindigan sa aking patotoo at hiyain si Satanas. Dahil sa mga bagay na ito, nagkaroon ako ng pananalig at lakas, at mabilis akong sumulat sa lider, sinasabi na maaari akong lumipat sa ibang iglesia para ipalaganap ang ebanghelyo.

Kalaunan, pumunta ako sa Shu Guang Church. Pero makalipas ang isang buwan, umabot sa Shu Guang Church ang mga kuko ng malaking pulang dragon, at sa isang iglap ay inaresto ang isang dosenang kapatid. Pagkatapos ay nabalitaan kong may isang nagkanulo sa amin bilang isang Hudas, at ginamit ng mga pulis ang litrato ng isang sister para ituro siya ng Hudas. Naisip ko kung gaano ko kadalas kasama ang kapatid na ito, at kung nasa pulisya na ang litrato niya, hindi ba’t may litrato ko na rin sila? Kung natunton siya ng mga pulis, madadamay rin ako. Napagtanto ko rin na dahil hindi ako lokal, mas mabigat ang magiging hatol sa akin kung mahuhuli ako, kaya dapat kong iwasan ang paglabas-labas, kung hindi ay baka ako na ang susunod na mahuli. Kaya, tumigil ako sa pagpunta sa iglesia para makipagtulungan sa gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, bigla kong naalala kung paano noong nakaraan, dahil naaresto ang mga katrabaho ko sa iglesia ay nagtago ako sa takot nang mahigit dalawampung araw, na inaantala ang gawain. Kung magtatago ako sa tuwing may kahit maliit na senyales ng kaguluhan, paano ko mapapalaganap ang ebanghelyo? Sa pag-iisip nito, napuno ng kasalanan ang konsensiya ko. Kapag nakakaharap ang matinding pagdurusa, hindi ko iniisip kung paano poprotektahan ang gawain ng iglesia, kundi ang sarili ko lang na kaligtasan. Tunay akong naging makasarili at kasuklam-suklam! Kalaunan, nagsimula akong makipagkita sa mga kapatid, para makipagbahaginan sa kanila kung paano maging tapat at magampanan nang maayos ang aming mga tungkulin.

Pagkalipas ng panahon, marami-rami pang iglesia ang sinalakay ng CCP, at nagsimula na ring magmanman ang mga pulis sa bahay kung saan kami nagtitipon. Dahil walang angkop na lugar para magtipon, nagkikita-kita kami sa mga pansamantalang lokasyon, puwedeng sa mga bahay na matagal nang abandonado o sa malapit sa mga sementeryo. Isang araw, nang magtagpo-tagpo kaming muli sa isang lumang bahay, isang sister ang nagmamadaling lumapit at nagsabing, “Hindi na ligtas ang lugar na ito. Kahapon, mahigit limampung pulis ang dumating para maghalughog sa mga bahay-bahay, at ilang bahay na nagtatago ng mga aklat ng mga salita ng Diyos ang hinalughog. Hinaharang at iniinspeksyon pa rin ng mga pulis ang mga sasakyan sa kalsada!” Nang marinig ko ito, nagsimulang kumabog ang puso ko na parang may naghahabulang mga kabayo, at naisip ko, “Nagbanta ang CCP na kung mahuli nila ang mga mananampalataya, bubugbugin nila ang mga ito hanggang kamatayan at mamamatay nang hindi nakakaganti, kaya nangangahulugan ng halos tiyak na kamatayan ang mahulog sa mga kamay nila! Matagal na akong tinutugis ng CCP, kaya kapag nahuli nila ako, siguradong bubugbugin nila ako hanggang mamatay ako.” Sa pag-iisip ng ganito, umatras uli ako at hindi nangahas na ipalaganap ang ebanghelyo. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Nagbigay sa akin ng pananalig ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang tadhana ng bawat tao ay itinakda ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at anumang mga pangyayari ang harapin ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat kong itaguyod ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Naisip ko ang mga disipulo ng Panginoong Jesus na nagtiis ng maraming pag-uusig at matinding pagdurusa para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at sa huli ay naging martir para sa Panginoon. Ang ilan ay ipinako sa krus, ang ilan ay ipinahila sa kabayo, at ang ilan ay binato hanggang mamatay, pero hindi nila kailanman inabandona ang kanilang misyon o mga responsabilidad. Namatay man ang kanilang mga katawan, pero nasa mga kamay naman ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa, at ang halaga ng kanilang buhay na ibinayad nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay nagkamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Nasa kamay ng Diyos ang buhay, kamatayan, kinabukasan, at tadhana ko. Kahit na hulihin ako ng pulisya at bugbugin hanggang mamatay, hindi nila mawawakasan ang aking kaluluwa. Hindi nakakatakot ang kamatayan ng katawan, ang nakakatakot ay ang marinig ang tungkol sa panganib at magtago sa takot para sa aking buhay, hindi mangahas na gampanan ang aking tungkulin, at sa gayon ay mawala ang aking patotoo sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong kaawa-awang paraan. Sa pamumuhay nang ganito, kahit na hindi ako mahuli, matitiwalag pa rin ako kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Nang maunawaan ito, hindi na ako napigilan ng takot sa kamatayan.

Isang araw, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, ‘Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?’ Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? … Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng Diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.’ Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa katunayan, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon, at pagkatapos ay nahuli at nasentensiyahan dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, ‘Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!’ Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, ‘Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.’ Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na magtrabaho. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.) Ang mga ganitong tao ay sadyang mahina ang loob, at talagang hindi natin sila maaaring bansagan na mga anticristo batay lang sa pagpapamalas na ito, pero ano ang kalikasan ng pagpapamalas na ito? Ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagtapos sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, iniisip lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? ‘Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon’ (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya? (Oo.) Ganoon iyon. Ang mga ganitong tao ay sobrang mahina ang loob, labis na natatakot, at takot sa pisikal na paghihirap at takot na may masamang mangyari sa kanila. Natatakot sila na parang mga matatakuting ibon at hindi na nila magampanan ang kanilang gawain(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ang mga anticristo ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam, at hindi talaga nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag may nangyayari sa kanila, palagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang kaligtasan, mga kinabukasan, at mga destinasyon. Wala sa kanilang mga puso ang mga responsabilidad at misyon ng isang nilikha. Kapag nahaharap sila sa panganib sa kanilang pananalig, nagtatago sila. Wala silang pakialam sa gawain ng iglesia o buhay pagpasok ng mga kapatid, ni hindi nila isinasaalang-alang man lang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa pagmumuni-muni ko sa aking sarili, nakita ko na kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ako gaya ng isang anticristo. Kapag walang panganib, kaya kong magdusa at gugulin ang sarili sa aking tungkulin, pero kapag dumating ang tunay na panganib at paghihirap, nagtatago ako na parang pagong sa kahit maliit na senyales ng kaguluhan, gustong itago ang aking sarili sa isang ligtas na lugar kung saan walang makakakita sa akin, at ganap na binabalewala ang mga baguhan at ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Kalaunan, nalaman kong ipinagkanulo kami ng isang Hudas, at muli kong isinaalang-alang ang sarili kong kaligtasan. Nag-alala ako na dahil hindi ako lokal, mabubugbog ako hanggang mamatay o malulumpo kapag nahuli ako, o baka hindi ko matiis ang pagpapahirap at ipagkanulo ko ang iglesia, na mawawala ang pagkakataon ko ng kaligtasan, kaya ayokong lumabas para ipangaral ang ebanghelyo. Hindi ko nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kapag nahaharap sa panganib, pinipilit kong huwag isipin ang aking mga tungkulin. Hindi ko man lang pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at namuhay ako nang ganap sa isang kalagayan ng pagkakimi, takot, at pangangalaga sa sarili. Naging isang makasarili at kasuklam-suklam akong hindi mananampalataya! Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, mas lalo akong nakaramdam ng pagsisisi. Naisip ko, “Anumang sitwasyon ang makaharap ko sa susunod, dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin.”

Pagkatapos nito, mas lumala ang ginagawang pag-aresto ng pulisya at inilipat ako ng nakatataas na pamunuan sa isa pang iglesia. Dalawang buwan lamang matapos akong dumating sa iglesia na iyon, napansin kong may nakalagay na tracker sa electric bike ko. Naisip ko, “Natunton ba ako ng mga pulis dito sa pamamagitan ng pagsuri sa mga surveillance record sa daan? Kung gayon, wala na akong paraan para tumakas!” Muli akong napuno ng takot, takot na baka kapag lumabas ako ay aarestuhin ako ng pulisya. Pero naalala ko ang mga salita ng Diyos noong nakaraan, at alam kong hindi ko maaaring abandonahin ang tungkulin ko para protektahang muli ang aking sarili, dahil mawawalan ako ng patotoo. Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Walang tao, pangyayari, at bagay ang makahihigit sa awtoridad ng Diyos. Gaano man kalaganap at kalupit si Satanas, hindi ito maaaring lumampas sa mga limitasyong itinakda para dito ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ito mangangahas na lumampas sa mga limitasyon, at lalong hindi makakapinsala sa atin. Kasangkapan lamang si Satanas sa kamay ng Diyos, na naglilingkod para gawing perpekto ang mga hinirang ng Diyos! Pinagnilayan ko ang mga taon na ginugol ko sa halos araw-araw na pagpapalaganap ng ebanghelyo, tumatalilis sa mga surveillance camera nang hindi nahuhuli. Isang beses, sa isang bahay kung saan may pagtitipon, kumatok ang pulisya, pero hindi namin binuksan ang pinto, at makalipas ang isa’t kalahating oras, nagbalatkayo kami bago lumabas, hindi kami nakilala ng pulisya na nasa labas, at nagawa naming makatakas. Nakita ko na kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ako mahuhuli ng pulisya. Nang mapagtanto ko ito, napagpasyahan ko na kung pinahintulutan ng Diyos na maaresto ako, magpapasakop ako sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos at ibibigay ko ang buhay ko para magpatotoo para sa Kanya.

Kalaunan, nabasa ko ang isang himno ng salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Pinakamakabuluhang Buhay.” “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Sa pagmumuni-muni sa himnong ito, nakadama ako ng katiyakan sa aking puso. Para sa isang nilikha, ang magawang tuparin ang tungkulin ng isang tao ang pinakamakahulugan at pinakamahalagang bagay, at ginugunita ito ng Diyos. Ang pagdaan sa paulit-ulit na mga pag-uusig at matinding pagdurusa ay nagbigay-daan sa akin para tunay na makita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at kataas-taasang kapangyarihan Niya at magkaroon ng pananalig sa Kanya, para makilatis ang masamang diwa ng malaking pulang dragon, at maunawaan ang sarili kong makasariling kalikasan. Higit sa lahat, natutuhan ko kung paano harapin ang kamatayan. Ito ang mga bagay na hindi ko matatamo sa isang komportableng kapaligiran. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Gitna ng Panganib

Ni Li Xin, TsinaNoong Disyembre 2011, sunud-sunod na inaresto ang mga kapatid na mula sa iba’t ibang iglesia. Isinaayos ng aming iglesia na...

Leave a Reply