Pakikitungo sa mga Lider nang Naaayon sa Prinsipyo

Enero 24, 2022

Ni Xiaoqing, Tsina

Noong tag-init ng 2016, bago-bago pa lang ako sa posisyon ng pamumuno sa iglesia. Isang araw, nagpunta sa isa sa mga pagtitipon namin si Sister Wang Xin na isang nakatataas na lider. Pinag-iisipan ko noon kung magiging mabuting lider ba ng grupo ang isang kapatid, at humingi ako kay Wang Xin ng tulong. Pagkarinig niya nito, nang hindi man lang inaalam ang iba pang detalye tungkol sa pag-uugali ng taong ito, o nagsasalita tungkol sa mga prinsipyo ng paglinang ng mga tao, sinabi lang niya na linangin na lang ang kapatid sa posisyong iyon nang kaunting panahon at tingnan kung anong mangyayari sa kanya, at na puwede naman siyang ilipat anumang oras kung malalaman na hindi pala siya nababagay. Nag-alala ako na maaantala ang gawain ng iglesia kung magsasanay ng isang taong hindi angkop, kaya nagtanong ako sa kanya ng ilang beses, sa kagustuhan kong magawa siyang magbigay ng ilang partikular na pagbabahagi tungkol sa mga nauugnay na prinsipyo. Sa halip na magbahagi pa, naghanap siya ng isang sipi ng salita ng Diyos na naglalantad ng mga taong may mapagmataas na disposisyon, sinabing mayroon akong mapagmataas na disposisyon at hindi tumatanggap ng katotohanan, at matagal akong pinagalitan. Labis itong nakasasakal para sa akin, at naisip ko, “Hindi ba’t dapat magbahaginan ang mga lider at mga manggagawa tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema? Kapag may mga bagay-bagay na hindi namin maarok at mga prinsipyong hindi namin maunawaan, sa halip na magbahagi ka tungkol sa katotohanan at tumulong, mapagmataas mong pinagagagalitan at nililimitahan ang mga tao mula sa mataas mong katayuan. Hindi kami nito naaakay na maunawaan ang katotohanan at sundin ang mga prinsipyo sa mga kilos namin.” Gusto kong pag-usapang muli ang pagkalito ko, pero noong naisip ko kung gaano katindi niya ako iniwasto sa harap ng lahat, natakot ako na magsisimula na naman siyang pagalitan ako at sabihing mapagmataas ako at hindi tumatanggap sa katotohanan. Dahil nasa isip ko iyon, hindi na ako nagtangka pang magsalita.

Sa ilang sumunod na pagtitipon, napansin kong hindi nagbibigay-liwanag ang pagbabahagi ni Wang Xin tungkol sa mga salita ng Diyos, at hindi siya nagpapakita ng anumang landas ng pagsasagawa. Sa halip, nagsasalita lamang siya ng doktrina na hindi lumulutas ng aktuwal na mga problema. Napaisip ako kung mayroon nga ba talaga siyang gawain ng Banal na Espiritu. Pero naisip ko na baka panandalian lang siyang wala sa mabuting kalagayan noon, kaya hindi ko na ito pinansin. Kalaunan, isinaayos ng sambahayan ng Diyos na pumili ang bawat iglesia ng tatlong lider na sama-samang mamamahala sa gawain ng iglesia. Ibinahagi sa amin ni Wang Xin na napakahalaga ang gawain ng pagpili ng mga lider, kaya hindi namin ito dapat ipagpaliban. Pero hindi ganoon ang naging asal niya noong dumating na ang oras na kailangan na talaga itong isagawa. Ako lang ang lider sa iglesia noon, at kung minsan, hindi ko makayanan ang lahat ng gawain. Ipinaliwanag ko ang sitwasyon sa kanya, umaasang mag-oorganisa siya ng isang halalan sa lalong madaling panahon. Sinabi niyang gagawin niya ito, pero patuloy na lumipas ang panahon na hindi siya nagsasaayos ng halalan. Muli ko siyang sinulatan para himukin siya, pero nagpatuloy lang siya sa pag-antala, at wala siyang ginawa. Sa tingin ko’y kakaiba ito. Malinaw na alam naman niya ang kahalagahan ng paghalal ng mga lider at napakagandang pakinggan ng pagbabahagi niya sa mga pagtitipon, pero ambagal ng kilos niya noong kailangan na talagang kumilos. Hindi ba’t nagsasalita lang siya ng doktrina at mga hungkag na sawikain, at hindi gumagawa ng praktikal na gawain? Kalaunan, narinig kong inantala rin niya ang gawin ng halalan sa ibang mga pinamamahalaan niyang iglesia sa mismong parehong paraan, na labis na nakaapekto sa buhay-iglesia at lahat ng uri ng gawain. Hindi ko napigilang maisip na malamang ay isang huwad na lider si Wang Xin na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at kapag nagpatuloy gaya ng dati ang mga bagay-bagay, makakasama ito nang husto sa lahat ng gawain ng iglesia. Naisip kong dapat kong tukuyin ang mga problemang ito sa kanya. Pero nang naghahanda na akong sulatan siya, naisip ko na isa siyang lider, at maganda sana kung matatanggap niya ito, pero kung hindi niya ito tatanggapin, baka pahirapan niya ako, at baka humanap pa siya ng butas para mapatalsik ako. Kapag nagkaganoon, anong gagawin ko? Nagpasya akong kalimutan na lang ito. Hindi na ako sumulat at hinayaan ko na lang ang lahat. Pero hindi ako mapalagay matapos nito. Napakalinaw kong nakita ang mga problema sa kanya at hindi man lang ako nagsabi ng kahit ano, hindi iyon umaayon sa kalooban ng Diyos. Hindi ko puwedeng hayaan na lang iyon. Kailangan ko siyang pagsabihan. Pero hindi pa rin ako makapagsulat. Nahirapan talaga ako, kaya nagdasal ako sa Diyos tungkol sa paghihirap ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumagawa sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Pakiramdam ko ay pumipintig sa kaibuturan ng puso ko ang bawat isa sa mga tanong ng Diyos. Kaya tinanong ko ang sarili ko: Isinasaalang-alang ko ba ang pasanin ng Diyos? Pinoprotektahan ko ba ang mga interes ng iglesia? Naisip ko kung paano ko nakitang nabigo si Wang Xin na ibahagi ang katotohanan at lutasin ang mga problema, at mapagmataas na pagalitan at pigilan ang iba. Puro doktrina lang ang tinalakay niya sa mga pagtitipon, at hindi siya nakalutas ng anumang mga praktikal na problema o paghihirap sa gawain namin. Napakabagal ng pag-usad ng mga halalan. Nahadlangan na ng pag-uugali niya ang gawain ng iglesia. Alam kong dapat ko siyang kausapin para malaman niya kung gaano kaseryoso ang problema. Pero natakot ako na kapag ginawa ko ito, hindi niya ito tatanggapin, pahihirapan niya ako o hahanap siya ng butas para mapaalis ako, kaya hindi ako naglakas-loob na magsalita ng kahit ano. Nagbulag-bulagan lang ako, hindi man lang pinangalagaan ang gawain ng iglesia, at personal na mga interes ko lang ang inisip ko. Napakamakasarili ko, kasuklam-suklam, at walang pagkatao! Lider ako ng iglesia, pero nang mahadlangan ang gawain ng iglesia, hindi ako naglakas-loob na manindigan para ilantad ang mga problema o pigilan ang paghadlang. Hindi ba’t pagpapalayaw ito sa masasamang gawa ni Wang Xin? Hindi ko pinangalagaan ang gawain ng iglesia kahit sa pinakasimpleng paraan man lang, kaya paano ako naging karapat-dapat na maging isang lider ng iglesia? Lalo akong nakokonsensiya habang lalo ko itong iniisip. Sumumpa ako sa Diyos na tatalikdan ko ang aking laman at isasagawa ang katotohanan. Pagkatapos noon, binasa ko ang mga prinsipyo kung paano pakikitunguhan ang mga lider at manggagawa at naunawaan ko na para sa mga lider at manggagawa na naghahanap sa katotohanan at nakagagawa ng praktikal na gawain, kung may mga paglabag sila sa kanilang tungkulin o kung minsan ay hindi sila gaanong nagtatagumpay, dapat silang tulungan nang may pagmamahal, o pagsabihan, punahin, tabasan, at iwasto, pero hindi kailanman basta-basta ikondena o patalsikin. Para naman sa mga lider at manggagawa na hindi gumagawa ng praktikal na gawain o naghahanap sa katotohanan, kung wala sa katwiran at padalus-dalos silang kumilos, at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan o magsisi kapag tinatabasan at iniwawasto, kung natukoy sila na mga huwad na lider o huwad na manggagawa, dapat silang patalsikin. Wala pa kaming masyadong pinagsamahan ni Wang Xin, kaya bagama’t nakakita ako ng ilang indikasyon na isa siyang huwad na lider, hindi ko lubos na matiyak iyon. Alam kong dapat akong magsimula sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanya para masabi ko sa kanya ang mga bagay na ito. Tungkulin ko iyon. Bagama’t nag-aalala at nababahala pa rin ako, sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos, hindi ko na naramdaman na napipigilan ako. Sumulat ako kay Wang Xin, at isa-isa kong sinabi ang mga problema tungkol sa kanya. Sa sandaling ipinadala ko na ang sulat, nakadama ako ng kapayapaan at kapanatagan.

Hindi kailanman sinagot ni Wang Xin ang sulat ko. Ipinagpapaliban pa rin ang gawain ng paghalal sa mga iglesia, at ilang iglesia ang kulang ng kailangan nilang mga lider at manggagawa, kaya walang paraan ang ilang proyekto na maisakatuparan sa takdang panahon. Labis nang nahadlangan ang gawain ng iglesia. Sinulatan ko siya nang ilan pang ulit para himukin siya at tanungin, pero walang nangyari. Nakita kong puro lamang siya salita, hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at ni hindi siya nagsisi pagkatapos ng maraming pagpapaalala, kaya batay sa pag-uugaling patuloy niyang ipinapakita, isa siyang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Pagkatapos noon ay isinumbong ko sa isang nakatataas na lider ang mga problema tungkol sa kanya. Hindi nagtagal, isang pagsisiyasat ng nakatataas na lider ang nagkumpirma na isang huwad na lider nga si Wang Xin na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at siya ay natanggal. Ipinakita nito sa akin na naghahari ang katotohanan at pagiging matuwid sa sambahayan ng Diyos. Maaaring may katungkulan ang mga huwad na lider, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, kaya hindi sila makakakuha ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Palagi ako noong natatakot na mapasama ang loob ng isang lider at mapaalis sa tungkulin ko, kaya hindi ako nangahas na isumbong ang mga problema tungkol kay Wang Xin nang makita ko ang mga iyon. Sa puntong iyon, natanto kong hindi ko nauunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga atas administratibo, prinsipyo at panuntunan, kaya gaano man kataas ang katungkulan o posisyon ng isang lider o manggagawa, kailangan niyang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan. Walang sinuman ang maaaring magwala. Bukod pa roon, ang tungkuling ginagampanan ko sa iglesia ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi iyon desisyon ng sinumang lider. Kaya, wala akong dapat ipag-alala.

Matapos itong pagdaanan, akala ko nauunawaan ko na ang ilan sa mga prinsipyo kung paano tratuhin ang mga lider at manggagawa, at na hindi ko na mararamdaman na napipigilan ako ng mga lider at manggagawa kung may mangyaring ganito muli sa akin. Gayunpaman, nang muli akong maharap sa isang katulad na sitwasyon, nabunyag ako sa pangalawang pagkakataon.

Noong Oktubre 2019, inilipat ako sa isang tungkulin sa ibang iglesia. Pagtagal-tagal, napansin kong nilabag ng lider ang mga prinsipyo sa pagtatalaga ng mga tao. Mayroon kaming diyakono sa pagdidilig, si Sister Zhang Ming, na napakamakasarili at tuso. Nakita na niyang ginagambala ng ilang tao ang buhay-iglesia, pero hindi niya sila inilantad o pinigilan dahil natatakot siyang mapasama ang loob nila. Iniulat sa kanya ng iba ang ilang problema, pero takot siya na kakailanganin niyang managot kung hindi maasikaso nang maayos ang mga iyon, kaya nagdahilan na lamang siya para hindi siya ang mag-asikaso ng mga iyon. Dahil dito, hindi kaagad nalutas ang mga problema. Sa pagsisiyasat, naging malinaw na palaging ganito ang pag-uugali ni Zhang Ming, na hindi niya kailanman pinangalagaan ang gawain ng iglesia at hindi siya nakagawa ng praktikal na gawain, kaya kailangan siyang agad alisin sa tungkulin. Pero nang tingnan ng lider ang sitwasyon ni Zhang Ming, may ilang sinabi si Zhang Ming na para bang mayroon siyang kamalayan sa sarili, kaya nalinlang ang lider na isiping nagsisi na talaga si Zhang Ming at ipinagpaliban niya ang pagpapaalis dito. Gusto kong banggitin sa lider na kung pananatilihin ang ganitong tao bilang diyakono ng iglesia, tiyak na mapipinsala ang gawain ng iglesia. Pero nang maisip ko na hindi pa ako gaanong matagal doon, na kasisimula ko pa lang sa tungkuling iyon, at kung paano ako tila pinahahalagahan talaga ng lider, at na kung babanggitin ko sa kanya ang mga bagay na ito, baka sabihin niyang mayabang ako at labis na nakatuon sa mga problema sa kanya matapos lang ng ilang araw sa katungkulang iyon. Paano kung dahil doon ay huminto siya sa paglinang sa akin? Masyado akong natakot banggitin ito sa kanya nang maisip ko ito. Kahit na medyo nakonsensiya ako dahil dito, sa huli’y tinanggap ko na lang ang sitwasyon.

Minsan, sumali ang lider sa pagtitipon ng grupo ko, at gusto ko itong talakayin, pero binanggit niyang bago siya sa tungkulin, na nahihirapan siya sa maraming bagay, at na hindi maganda ang kalagayan niya, kaya nag-alinlangan ako. Naisip ko na kung babanggitin ko ang mga problema niya ngayong marami na nga siyang paghihirap, iisipin ba niyang masama ang pagkatao ko at wala akong habag? Nagpasya akong huwag itong gawin, sa takot na hindi malulutas ang problema at magkakaroon siya ng hindi magandang impresyon sa akin. Dahil naisip ko ang mga iyon, hindi ako nangahas na banggitin ito. Kalaunan, natuklasan na napakarami palang hindi pa nalulutas na problema sa gawain ng diyakono sa pagdidilig, na talagang puminsala sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia, at talagang nakonsensiya ako dahil dito. Kung binanggit ko ito nang maaga, baka hindi naging ganoon kalaki ang pinsala. Kalaunan, binasa namin ang ilan sa mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon na talagang umantig sa akin. Sabi ng Diyos, “Marami sa iglesia ang hindi makakilala. Kapag may nangyaring isang bagay na mapanlinlang, bigla silang pumapanig kay Satanas; nasasaktan pa sila kapag tinawag silang mga utusan ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilala, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtalo kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkakilala? Bakit bigla silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkakilala ang meron ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustung-gusto ng mga taong walang pagkakilala ang kasamaan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay matatapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalitang kagaya nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Talagang nakonsensiya ako nang mabasa ko ito. Malinaw kong nakita ko na ang hindi agad na pagtanggal ng lider sa isang nalantad na huwad na manggagawa ay nakaapekto na sa gawain ng iglesia. Dapat ay binanggit ko ito sa kanya at pinangalagaan ko ang gawain ng iglesia. Pero natakot akong mapasama ang loob niya at mabago ang pagtingin niya sa akin, kaya nanahimik ako at hindi nangahas itaguyod ang mga prinsipyo, kung kaya’t napinsala ang gawain ng iglesia, at isa ako sa mga dahilan no’n. Nakita kong hindi ko minamahal ang katotohanan at ni wala akong diwa ng pagiging matuwid. Isa lang akong kasuklam-suklam na tao na ipinaglalaban ang sarili kong mga interes at nasa panig ni Satanas. Itinaas at biniyayaan ako ng Diyos upang makapagsagawa ako sa ganoon kahalagang tungkulin. Binigyan Niya ako ng napakaraming aspeto ng katotohanan, na naging daan para maunawaan ko ang katotohanan at magkaroon ako ng kakayahang makakilala. Pinatnubayan din Niya akong makita ang mga problemang ito, umaasang itataguyod ko ang mga prinsipyo at pangangalagaan ang gawain ng iglesia. Ngunit makasarili ako at kasuklam-suklam, at wala akong utang na loob. Para maprotektahan ang mga pansarili kong interes, paulit-ulit kong tinalikuran ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, at hindi ko isinagawa ang katotohanan, na hindi lamang puminsala at umantala sa gawain ng iglesia, kundi puminsala rin sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Sa paggawa ko nito, gumawa ako ng mga paglabag sa harapan ng Diyos, at namumuhay ako sa kadiliman at kinasusuklaman ng Diyos.

Kalaunan, nagsimula akong magnilay kung bakit hindi ko maiwasang protektahan ang mga pansarili kong interes sa tuwing may nangyayari. Anong klase ng tiwaling kalikasan ang kumokontrol sa akin? Binasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos at natuklasan ko ang ugat ng problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ninyo ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao pagkatapos, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag may nangyayari, palagi kong pinoprotektahan ang mga pansarili kong interes dahil kontrolado ako ng mga satanikong lason gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” at “Kapag alam mong may mali, tumahimik ka na lang.” Labis akong nalantad sa mga satanikong lason na iyon sa mahabang panahon na naging kalikasan ko na ang mga ito. Namuhay ako ayon sa mga ito, kaya pinrotektahan ko ang mga pansarili kong interes sa bawat sitwasyon. Kapag nakikitungo ako sa aking mga kapatid, iniisip ko lang ang reputasyon at katayuan ko, at hinding-hindi ang gawain ng iglesia. Malinaw kong nakita na nilalabag ng isang lider ang mga prinsipyo sa paglilipat ng mga tao, pero natakot akong baka sumama ang loob ng lider at makasama sa akin kapag nagsalita ako, kaya nagbulag-bulagan ako para protektahan ang katayuan at kinabukasan ko. Hindi ko agad binanggit ang isyu sa lider o nag-alok ng pagbabahagi at tulong, pinili ko na lang na makitang negatibong maapektuhan ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid at ang gawain ng iglesia kaysa ikompromiso ang mga pansarili kong interes. Sobra akong makasarili at kasuklam-suklam! Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lason na ito, hindi ko lamang napinsala ang aking sarili, hinadlangan at ginambala ko pa ang gawain ng iglesia. Nakita ko na walang ibang dulot ang mga satanikong lasong ito kundi ang gawing tiwali at saktan ang mga tao, kaya hindi natin maiwasang magrebelde sa Diyos at labanan Siya. Kung hindi ako magsisisi, mauuwi ito sa pagtanggi at pagpapalayas sa akin ng Diyos, at mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Nakita ko rin ang pagpaparaya at pagliligtas ng Diyos sa akin. Kahit na labis akong mapaghimagsik, muli’t muling ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para gabayan ako at ipakita sa akin ang katiwalian ko. Dapat ko nang ihinto ang pagrerebelde sa Diyos, at kailangan kong talikdan ang aking laman at isagawa ang katotohanan.

May isa pang sipi ng salita ng Diyos akong nabasa kalaunan, “Ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos. … Hindi dapat umasang masyado ang mga tao o humingi ng mga bagay na hindi makatotohanan sa mga itinataas ang ranggo at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong subaybayan ang kanilang gawain, at kung may madiskubre kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang nagtatrabaho sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay hatulan, kondenahin, batikusin, o ihiwalay sila, dahil nasa panahon sila ng paglinang, at hindi sila dapat ituring na mga taong nagawa nang perpekto, lalo nang hindi mga taong perpekto, o bilang mga taong nagtataglay ng realidad ng katotohanan. Sila ay katulad ninyo: Ito ang panahon na sinasanay sila. … Ano ang saysay ng pagsasabi Ko nito? Para sabihin sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang pagtataas ng ranggo at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito. Natural, dapat ay maging makatotohanan din ang mga tao sa kanilang opinyon tungkol sa kanila. Kahangalan ang magbigay ng sobrang pagpapahalaga o pagpipitagan sa kanila, ni hindi makatao o makatotohanan ang maging lubhang mabagsik sa inyong mga hinihingi sa kanila. Kaya ano ang pinakamakatwirang paraan ng pakikitungo sa kanila? Ang isipin na sila ay mga ordinaryong tao at, kapag may problemang kailangang saliksikin, makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng isa’t isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsibilidad ng lahat na subaybayan kung gumagawa ba ang mga lider at manggagawa ng totoong gawain, kung ginagamit ba nila ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay kuwalipikado. Kung kaya niyang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya maasikaso at maayos ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat tanggalin kaagad. Pumili ng iba, at huwag antalahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa inyong sarili at sa iba, hindi ito makakabuti kahit kanino(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mahalal na isang lider ay hindi nangangahulugan na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan o na naaangkop siya para sa posisyong iyon. Nasa panahon siya ng pagsasanay, mayroon siyang mga kapintasan at pagkukulang sa kanyang gawain, kaya dapat tayong maging patas at makatarungan sa mga lider at manggagawa, at hindi humingi nang labis-labis. Pero kasabay nito, may pananagutan tayong bantayan ang ginagawa ng mga lider. Kapag nakaayon sa katotohanan ang mga ginagawa ng mga lider, dapat natin tanggapin ang mga ito at magpasakop sa mga ito, pero kung hindi nakaayon ang mga ito sa mga prinsipyo, dapat natin itong sabihin at dapat tayong mag-alok ng tulong, para makita nila agad ang mga kamalian sa kanilang tungkulin at maitama ang mga ito sa lalong madaling panahon. Makabubuti iyon sa sarili nilang pagpasok sa buhay at sa gawain ng iglesia. Kung nakumpira na sila nga ay mga huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain, kailangan silang agad na isumbong at ilantad. Alam kong bago ang lider sa pagsasagawa ng tungkuling iyon, kaya malamang na magkamali siya. Dahil nakakita ako ng mga problema, pananagutan kong tukuyin ang mga ito, tumulong, at mag-alok ng pagbabahagi, at puwede akong magsumbong sa mga nakatataas at ilantad siya kapag tumanggi siyang tanggapin ito. Hindi ako puwedeng tumayo at panoorin lang na mapasama ang gawain ng iglesia. Sa puntong iyon, handa na akong itama ang mga layunin ko, isagawa ang katotohanan, at protektahan ang gawain ng iglesia. Dumating ang lider pagtapos ng ilang araw para tingnan ang gawain namin, kaya sinabi ko sa kanya kung paano niya nalabag ang mga prinsipyo at nagtapat ako sa kanya sa pagbabahagi tungkol sa katiwalian ng pagiging makasarili at tuso na inihayag ko noong panahong iyon. Ginamit niya ang mga salita ng Diyos para pagnilayan ang kanyang sarili at nakita niya ang mga pagkakamali niya at ang tiwaling disposisyon na nabunyag sa kanya sa pangangasiwa niya ng mga bagay-bagay na iyon, at nagpahayag siya ng pagnanais na magnilay at magbago. Pagkatapos no’n, nagbahaginan pa kami tungkol sa pagsasagawa ng mga partikular na prinsipyo sa pagbabago ng mga tungkulin ng mga tao. Naging mas malinaw sa amin ang mga prinsipyong ito pagkatapos naming magbahaginan. Pagkatapos no’n, inalis niya na si Zhang Ming, gaya ng hinihingi ng mga prinsipyo.

Itinuro sa akin ng mga karanasang ito na positibong bagay ang mag-alok ng puna at tulong sa sandaling makakita ako ng mga problema o paglihis sa tungkulin ng isang lider. Pinoprotektahan nito ang gawain ng iglesia. Tanging ang pakikitungo sa mga lider at manggagawa ayon sa mga prinsipyo ang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa ating mga kapatid, at ito lamang ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Kasabay nito, nakita ko rin na tinatrato nang patas at makatarungan ng iglesia ang mga tao, ganap na nakabatay sa mga prinsipyo ng katotohanan, sa kanilang kalikasan at diwa, sa landas na kanilang tinatahak, at sa kanilang saloobin tungo sa katotohanan. Ang mga tao ay tinatrato batay sa kaso ng bawat isa sa kanila. Ang iglesia ay hindi kailanman nagtatanggal o nagpapaalis ng mga tao dahil sa pansamantalang paglabag o pagpapakita ng kaunting katiwalian. Ipinakita sa akin ng mga karanasang ito ang tamang pakikitungo sa mga lider at manggagawa. Nagkaroon din ako ng kaunting pagkaunawa sa aking pagiging makasarili at tuso, at nagawa kong talikdan ang laman, isagawa ang katotohanan, at gampanan ang aking tungkulin. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos para sa nakamit ko!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, Tsina Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil...

Ang Kwento ni Angel

Ni Angel, MyanmarNakilala ko si Sister Tina sa Facebook noong Agosto 2020. Sinabi niya sa akin na nagbalik na ang Panginoong Jesus, na...