Nahanap ko ang Lugar Ko

Hunyo 1, 2022

Ni Rosalie, Timog Korea

Matapos kong maniwala sa Diyos, sobrang masigasig akong naghanap. Anuman ang tungkulin na isaayos ng iglesia para sa akin ay sinusunod ko. Kapag may mga paghihirap o problema ako sa tungkulin ko, kaya ko ring magdusa at magbayad ng halaga upang maghanap ng solusyon nang walang reklamo. Hindi nagtagal, sinimulan kong isagawa ang pagdidilig sa mga baguhan, kung saan tuloy-tuloy akong tinaasan ng ranggo. Pakiramdam ko magaling ako, isang taong nililinang ng iglesia, na mas naghahanap ako kaysa sa iba, at basta’t nagsusumikap ako sa tungkulin ko, itataas ako ng ranggo at mabibigyan ng mahahalagang tungkulin. Nang maisip ko ito, sobrang bilib na bilib ako sa sarili ko.

Hindi nagtagal, marami akong nakitang mga kapatid na kaedad ko na nagsilbi nang mga lider ng grupo o tagapangasiwa, at nainggit ako. Naisip ko, “Kung kaya nilang gampanan ang mga ganoon kahalagang tungkulin sa murang edad, mapahalagahan ng mga lider, at hangaan ng mga kapatid, hindi ako pwedeng makuntento sa kasalukuyang sitwasyon. Kailangan kong maghanap nang maigi at magsumikap na makagawa ng malaking pagsulong sa tungkulin ko para magkaroon din ako ng mahalagang tungkulin.” Kaya mas nagsumikap ako sa tungkulin ko. Hindi ako takot na magpuyat at magdusa. Kapag may problema ako sa tungkulin ko, naghahanap ako ng mga salita ng Diyos upang lutasin ito. Pero ang pagsusumikap ko ay hindi nagdulot ng anumang pagbabago. Dahil sa mahina kong kakayahan sa trabaho, naatasan akong gumawa ng ilang karaniwang gawain. Pagkatapos no’n, kapag nakikita ko na naitataas ang ranggo ng ibang nasa paligid ko, mas lalo akong naiinggit. Alam kong mas mababa pa rin ako nang husto sa kanila, kaya palagi kong hinihikayat ang sarili ko na huwag panghinaan ng loob o makuntento sa kasalukuyang sitwasyon, na kailangan kong maghangad at maging magaling, na kailangan ko pa ring kumain at uminom ng mas maraming salita ng Diyos, at mas magsumikap sa pagpasok ko sa buhay. Naisip ko na oras na mapagbuti ko ang aking mga propesyunal na kasanayan at mas magsumikap sa pagpasok sa buhay, tiyak na itataas ako ng ranggo. Kaya, habang nagsusumikap ako para humusay, inaasam ko rin ang araw na itataas ang ranggo ko.

Hindi ko namalayang dalawang taon na ang lumipas, at ang mga bagong kapareha ko ay patuloy na dumarating at umaalis. Ang ilan ay tumaas ang ranggo, at ang ilan ay naging mga lider at manggagawa. Nagsimula akong maghinala, “Medyo matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito, at iyong mga nakagawa nito sa mas maiksing panahon ay sunud-sunod na tumaas ang ranggo, kaya bakit hindi pa rin nagbabago man lang ang tungkulin ko? Iniisip ba ng mga lider na hindi ako karapat-dapat na linangin, at na bagay lang ako sa pangkaraniwang gawain? Maaari kayang wala talaga akong pagkakataong tumaas ang ranggo? Habambuhay ba akong hindi makakaalis sa malabong tungkulin na ito?” Nang maisip ko ito, bigla kong naramdaman na para akong bolang nawalan ng hangin. Bigla akong nawalan ng gana, hindi ako naging kasingsipag sa tungkulin ko tulad ng dati, at wala akong nadamang pagmamadali na pamahalaan ang mga trabahong kailangang gawin. Basta ko lang iniraraos ang gawain araw-araw o basta mailusot lang ang mga gampanin. Bilang resulta, ilang paglihis at pagkakamali ang madalas na lumilitaw sa gawain ko, pero binalewala ko ito, at hindi ko pinagnilayan nang tama ang sarili ko. Kalaunan, narinig kong dumarami ang mga kakilala kong kapatid na napo-promote, at mas lalo akong nabalisa. Naisip ko, “Ang ilan sa kanila ay dating gumagawa ng parehong tungkulin tulad ng sa akin, pero isa-isa, tumaas na ang ranggo nilang lahat ngayon, habang ako ay narito pa rin kung saan ako nagsimula. Siguro hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan, o karapat-dapat na linangin.” Parang pasan ko ang daigdig sa isiping ito. Naging miserable ako. Sa mga araw na iyon, sobra akong nanlulumo at walang gana sa tungkulin ko. Palagi kong iniisip na wala akong kinabukasan sa paniniwala ko sa Diyos. Pakiramdam ko ay sobra akong agrabyado, at hindi ko matanggap ang nangyayari. Sa isip-isip ko, “Maaari kayang hindi talaga ako ganoon kagaling? Maaari kayang bagay lang talaga ako sa pangkaraniwang gawain? Wala ba talagang saysay na linangin ako? Ang gusto ko lang ay isang pagkakataon. Bakit kailangan kong manatili sa isang sulok palagi, kung saan walang nakakapansin sa akin?” Kapag lalo ko itong iniisip, mas lalo kong nararamdamang agrabyado ako at mas nanlulumo ako. Buong araw akong bumuntong-hininga, at parang sobrang bigat ng mga binti ko para igalaw. Kung minsan, tahimik akong umiiyak sa higaan sa gabi, iniisip na, “Kung ang mga propesyunal kong kasanayan ay mas mababa kaysa sa iba, magsusumikap akong hanapin ang katotohanan. Magbabasa ako ng mas maraming salita ng Diyos at mas pagtutuunan ang pagpasok sa buhay. Kapag kaya ko nang magbahagi nang may ilang praktikal na kaalaman, at nakita ng mga lider na pinagtutuunan ko ang paghahanap sa katotohanan, hindi ba’t itataas din nila ang ranggo ko?” Pero nang mag-isip ako nang ganito, medyo nakonsensya rin ako. Naisip ko, “Ang paghahanap sa katotohanan ay isang positibong bagay, at ito dapat ang hinahangad ng isang mananampalataya. Pero ginagamit ko ito para sa layon na mamukod-tangi sa iba. Kung maghahangad ako nang ganito, may ambisyon at pagnanasa, kasusuklaman at kamumuhian ito ng Diyos, hindi ba? Bakit hindi ako handang gawin ang tungkulin ko nang nakakubli?” Pakiramdam ko inaakusahan ako, kaya nagdasal ako sa Diyos habang umiiyak, “Diyos ko, alam kong ang paghahangad sa katayuan ay mali, pero napakatindi ng mga ambisyon at pagnanasa ko. Pakiramdam ko palagi, walang silbi na gawin ko ang tungkulin ko nang nakakubli nang ganito. Diyos ko, hindi ako makaalis sa kalagayang ito. Pakiusap, akayin at gabayan Mo ako sa pag-unawa ng Iyong kalooban at pagkilala sa aking sarili.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ay ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang pinagsisikapan, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa katayuan at reputasyon. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay katayuan at reputasyon pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, nakikita nila ang paghahangad ng katayuan at reputasyon na katumbas ng pananampalataya sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Masasabi na sa mga puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang pananalig sa Diyos at ang paghahangad ng katotohanan ay ang pagsisikap para sa katayuan at reputasyon; ang paghahangad ng katayuan at reputasyon ay ang paghahangad din ng katotohanan, at ang pagkakamit ng katayuan at reputasyon ay ang pagkakamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang karangalan o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o gumagalang sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananampalataya sa Diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon magkaroon sila ng tinig sa iglesia, ng reputasyon, upang makinabang sila, at magkaroon ng katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Para sa isang anticristo, kung ang reputasyon o katayuan niya ay inaatake o inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanyang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan niya o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin niya, hindi siya makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi niya naisagawa kailanman ang katotohanan at kanyang tinahak ang landas ng isang anticristo, o dahil sa nagtataglay siya ng kalikasang diwa ng isang anticristo. Sa halip, lagi siyang nag-iisip ng paraan upang magtamo ng katayuan at pataasin ang kanyang reputasyon. … Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang-pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng isang anticristo, naniniwala siya, ‘Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan ng mga tao mismo. Sa pagtatamo lamang ng matibay na posisyon sa mga tao at pagtatamo ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng Diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagtatamo ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na parang isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at mamuhay gaya ng isang normal na tao na tulad sa sinabi sa salita ng Diyos—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban ang mga ito at sunggaban nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.’ Ganito magkalkula ang isang anticristo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ibinunyag ng Diyos na itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga kaysa sa buhay ang katayuan. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay umiikot sa katayuan at reputasyon, at ang iniisip lang nila ay tungkol sa pagkamit at pagpapanatili nito. Oras na mawala ang kanilang katayuan, mawawalan sila ng motibasyon na mabuhay. Para sa katayuan, kaya pa nga nilang labanan ang Diyos, pagtaksilan ang Diyos, at magtayo ng mga sarili nilang kaharian. Napagtanto kong palagi kong itinuturing na napakahalaga ng katayuan. Noong bata pa ako, madalas akong turuan ng pamilya ko ng mga bagay na tulad ng “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa.” Palagi kong itinuturing ang mga satanikong batas na ito ng pananatili ng buhay bilang mga salitang dapat sundin sa buhay. Inakala ko palagi na sa pagkamit lamang ng katayuan at pagkakaroon ng mataas na pagpapahalaga magagawa ng isang taong mamuhay ng isang marangal at kapaki-pakinabang na buhay, habang ang pagiging kontento sa kung anong mayroon ako at pagiging pangkaraniwan at mapagpakumbabang tao ay nagpapakita na kulang ako sa paghahangad o anumang tunay na mga mithiin. Akala ko ay isa itong walang silbing paraan ng pamumuhay para sa isang tao. Matapos kong maniwala sa Diyos, hindi nagbago ang mga saloobin at pananaw ko. Sa panlabas, hindi ako nakikipagkumpitensya o nakikipagpaligsahan, pero hindi maliit ang mga ambisyon at pagnanasa ko. Ang tanging gusto ko ay gumanap ng isang mas mahalagang tungkulin, magkamit ng mataas na katayuan, at makamit ang paghanga ng iba. Nang makita kong tumataas ang ranggo ng mga tao sa paligid ko bilang mga lider ng grupo at tagapangasiwa, mas lalo lang nitong pinatindi ang pagnanasa ko, at ginawa akong mas lalong hindi kontento sa kasalukuyan kong sitwasyon. Para tumaas ang ranggo, maaga akong gumigising at nagpupuyat sa gabi, at handa akong magdusa at magbayad ng anumang halaga para sa tungkulin ko. Noong paulit-ulit na nawasak ang pag-asa ko, napuno ako ng mga reklamo at paglaban sa kapaligiran ko. Pakiramdam ko pa nga ay wala nang saysay ang paniniwala sa Diyos at nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko. Wala akong sigla sa ginagawa ko at iniraraos lang ang kaya ko. Nakita kong mula nang maniwala ako sa Diyos, ang landas na tinahak ko ay hindi talaga ang landas ng paghahanap sa katotohanan. Ang lahat ng ginawa ko ay para sa reputasyon at katayuan. Sa ating tungkulin, umaasa ang Diyos na magagawa nating hangarin ang katotohanan, pumasok sa mga realidad nito, at takasan ang ating mga tiwaling disposisyon. Pero pinabayaan ko ang gawain ko. Wala sa paghahangad ng katotohanan ang isip ko, wala akong ibang gusto kundi ang magkamit ng mataas na katayuan, at noong nabigo ang pagnanasa ko, nagsimula akong magpakatamad, mas lalong inilulubog ang sarili ko. Wala talaga akong konsensya o katwiran! Naisip ko kung paanong, sa kabila ng maraming taon kong paniniwala sa Diyos, dahil hindi ko hinanap ang katotohanan, hanggang ngayon ay hindi ko masyadong alam ang tungkol sa sarili kong tiwaling disposisyon. Ni hindi ko nga magawa nang maayos ang kasalukuyang tungkulin ko. Iniraraos ko pa rin ang gawain, at madalas na may mga problema at paglihis sa gawain ko. Kahit na ganito, gusto ko pa ring tumaas ang ranggo at gumawa ng mas malaking gawain. Sobrang wala akong kahihiyan! Noon ko lang napagtanto na ang paniniwala sa Diyos nang hindi hinahanap ang katotohanan, at pikit-matang paghahangad sa katayuan, ay mas lalo lang akong gagawing ambisyosa at gagawing mas mapagmataas ang disposisyon ko, palaging gustong umangat kaysa sa iba, pero hindi kayang sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang ganoong paghahangad ay nakakasira sa sarili, at kinamumuhian at isinusumpa ng Diyos. Gaya na lamang ng mga anticristong iyon na pinatalsik sa iglesia, hindi nila hinanap ang katotohanan, at palagi nilang hinangad ang reputasyon, pakinabang, at katayuan. Hinangad nilang hangaan at sambahin, at sinubukang linlangin at kontrolin ang mga tao. Ang naging resulta nito ay gumawa sila ng napakaraming kasamaan at ibinunyag at itiniwalag ng Diyos. Hindi ba’t ang mga hinahangad ko ay katulad ng sa kanila? Hindi ba’t tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos? Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at hindi pwedeng labagin. Kung tatanggi akong itama ang sarili ko, tiyak na tatanggihan at ititiwalag ako ng Diyos! Habang nasa isip ito, nanumpa ako sa sarili ko: Mula ngayon, hindi ko na hahangarin ang katayuan, magpapasakop ako sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Hahangarin ko ang katotohanan, at gagawin nang maayos ang tungkulin ko sa isang mapagpakumbabang paraan.

Isang araw, sa aking mga debosyonal, nakabasa ako ng salita ng Diyos: “Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding kirot na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang kirot; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na ‘ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.’ Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang kirot ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na may kasarinlan at kalayaan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Dati, hindi ko kailanman ikinukumpara ang kalagayan ko sa kung ano ang ibinubunyag ng mga salitang ito ng Diyos. Akala ko, ang mga salitang ito ay para sa mga hindi mananampalataya, samantalang ako ay isa sa mga nananalig, at naniniwala at sinusunod ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pero nang huminahon ako at pinagnilayan ang siping ito ng salita ng Diyos, saka ko lang napagtanto na ang pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay hindi kumakatawan sa kaalaman sa makapangyarihang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong hindi sa pagsunod sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit na naniniwala ako sa Diyos, ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay ay katulad pa rin ng sa mga hindi mananampalataya. Palaging iniisip ng mga di-mananampalataya na ang kapalaran ng mga tao ay nasa sarili nilang mga kamay, at palaging nakikipagtunggali sa kapalaran. Gusto nilang baguhin ang kanilang tadhana sa pamamagitan ng mga sarili nilang pagsisikap at mamuhay ng isang buhay ng kahusayan. Bilang resulta, lubos silang nagdurusa, nagbabayad ng mataas na halaga, hanggang sa sila ay bugbog na bugbog na, at kahit kapag may mga pilat na sila, hindi pa rin sila nagigising sa katotohanan. Hindi ba’t ganoon din ako? Palagi kong gusto na baguhin ang kasalukuyang sitwasyon sa pamamagitan ng mga sarili kong pagsisikap at umasa sa sarili kong pagpupunyagi upang magsumikap para sa pagtataas ng ranggo at mahahalagang tungkulin. Para sa layon na ito, tahimik akong nagdusa, nagbayad ng halaga, at nagsumikap na matuto ng mga propesyunal na kasanayan. Nang mabigo ang pagnanasa ko, naging pasibo ako at lumaban, at mas lalo kong inilubog ang sarili ko. Noon ko lang nakita na labis akong nasasaktan at pagod na pagod ako dahil maling landas ang tinatahak ko at maling paraan ng pamumuhay ang napili ko. Itinuring ko ang mga satanikong maling paniniwala tulad ng, “Ang tadhana ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay,” at “Kayang lumikha ng kaaya-ayang bayan ang tao gamit ang kanyang sariling mga kamay” bilang mga kasabihang dapat sundin sa buhay. Pinaniwalaan ko na para makamit ang mithiin ko, kailangan kong umasa sa sarili kong pagsusumikap para maabot ito. Nang maharap sa paulit-ulit na pagkabigo ng aking mga pagnanasa, at hindi magawang magkaroon ng pagtataas ng ranggo o mahahalagang posisyon, hindi ko magawang magpasakop at palagi kong gustong labanan ang Diyos, makalaya sa Kanyang mga pagsasaayos, at magkamit ng katayuan at reputasyon sa pamamagitan ng mga sarili kong pagsusumikap. Noon ko lang nakita na isa akong nananalig sa pangalan lamang. Sa totoo lang, hindi ako naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa puso ko, at lalong hindi ako handang sumunod sa Kanyang mga pagsasaayos. Ano ang pagkakaiba ng isang mananampalatayang tulad ko at ng isang walang pananampalataya? Ang Diyos ang Panginoon ng Paglikha, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa lahat ng bagay. Ang tadhana ng bawat tao, ang kanilang kakayahan at mga kalakasan, ang tungkuling kaya nilang gampanan sa iglesia, anong klaseng mga sitwasyon ang nararanasan nila sa anong oras, at iba pa, ay isinaayos at paunang itinalaga lahat ng Diyos, at walang sinuman ang makakatakas sa mga ito o makakapagpabago ng kahit ano. Tanging sa pamamagitan ng pagsunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos mapapayapa ang ating mga puso. Nang malaman ito, bigla kong naramdaman na kaawa-awa ako at kalunos-lunos. Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, at kahit na kumain at uminom ako ng napakaraming salita ng Diyos, tulad pa rin lang ako ng isang di-mananampalataya. Hindi ko alam ang walang hanggan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palagi kong nilalabanan ang Diyos. Napakayabang ko at mangmang! Sinasabi ng salita ng Diyos: “Kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Sa pagninilay sa salita ng Diyos, naisip ko, paano ko malalaman na kapaki-pakinabang para sa akin ang kapaligirang ito, at nagpoprotekta sa akin? Habang naghahanap ako, napagtanto kong mula noong nagsimula akong maniwala sa Diyos, hindi ako kailanman nakaranas ng anumang malaking pagkabigo o pagkaantala, at hindi pa ako natanggal o nailipat. Tuloy-tuloy akong naitaas ng ranggo at nalinang. Nang hindi namamalayan, sinimulan kong isipin na isa akong taong naghahangad ng katotohanan, at na isa akong pangunahing pakay para sa paglinang ng iglesia, kaya natural kong naituring ang “maitaas ng ranggo” bilang isang mithiin na kailangang hangarin. Sa tuwing naitataas ako ng ranggo, hindi ko ito tinatanggap bilang isang responsibilidad at tungkulin mula sa Diyos, at hindi ko hinahangad ang katotohanan sa isang praktikal na paraan o inisip kung paano gagamitin ang mga prinsipyo sa tungkulin ko. Sa halip, nakita ko ang tungkulin ko bilang kasangkapan para hangarin ang katayuan at tingalain ng iba. Akala ko kapag mas malaki ang tungkulin at mas mataas ang katayuan, mas maraming tao ang hahanga at magpapahalaga sa akin, kaya sobra kong inaalala ang maitaas ng ranggo, at ginugugol ko ang mga araw ko na nag-aalala tungkol sa mga pakinabang at kawalan na ito. Matagal ko nang nakalimutan kung ano ba talaga ang dapat kong hinahangad sa paniniwala ko sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, masyadong malaki ang ambisyon at mga pagnanasa ko, at kung talagang naitaas ako ng ranggo at nabigyan ng isang mahalagang papel gaya ng hinihiling ko, hindi ko alam kung gaano ako magiging kayabang o anong kasamaan ang magagawa ko. Napakaraming halimbawa ng mga ganitong kabiguan. Maraming tao ang kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin kapag wala silang katayuan, pero oras na magkaroon sila ng katayuan, lumalago ang kanilang mga ambisyon, nagsisimula silang gumawa ng masama, at nililinlang at binibitag nila ang mga tao. Para panatilihin ang kanilang reputasyon, mga pakinabang, at katayuan, ibinubukod at sinusupil nila ang iba, at winawasak ang kanilang mga sarili bilang resulta. Nakita kong ang katayuan, para sa mga naghahangad ng katotohanan at tumatahak sa tamang landas, ay isang pagsasanay at pagiging perpekto. Ngunit para sa mga hindi naghahangad ng katotohanan o tumatahak sa tamang landas, ito ay isang tukso at pagbubunyag. Sa ngayon, wala pa rin akong katayuan, at dahil lang hindi pa ako naitataas ng ranggo o itinuturing na mahalaga, nagagalit na ako nang husto na ni ayokong gawin ang tungkulin ko. Nakikita ko na ang mga ambisyon at pagnanasa ko ay napakalaki, at na kung talaga ngang naitaas ako ng ranggo sa isang mahalagang tungkulin, sigurado akong mabibigo ako nang matindi na katulad ng mga nabigo na. Sa puntong ito, talagang naramdaman ko na may pahintulot ng Diyos sa hindi pagkakataas sa akin ng ranggo bilang lider ng grupo o tagapangasiwa. Ginamit ng Diyos ang sitwasyong ito para pwersahin akong tumigil at pagnilayan ang sarili ko, upang magawa kong ayusin ang pag-uugali ko, at tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Ang sitwasyong ito ang kinakailangan ng buhay ko, at ito ay malaking proteksyon sa akin! Habang iniisip ito, pakiramdam ko ay naging lubos akong mangmang at bulag, at hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos. Hindi ko naintindihan at sinisi ko ang Diyos. Talagang nasaktan ko ang puso ng Diyos.

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Anong uri ng puso ang nais ng Diyos na taglayin ng mga tao? Una, dapat matapat ang pusong ito, at dapat nilang magawa nang may konsiyensiya ang kanilang tungkulin sa praktikal na paraan, magawang itaguyod ang gawain ng iglesia, na wala nang diumano’y ‘matataas na ambisyon’ o ‘matatayog na mithiin.’ Ang bawat hakbang ay nag-iiwan ng bakas habang sinusundan at sinasamba nila ang Diyos, umaasal sila bilang mga nilikha; hindi na nila hinahangad na maging isang pambihira o dakilang tao, lalo na ang maging isang partikular na kapaki-pakinabang na tao, at hindi nila sinasamba ang mga nilikha sa mga banyagang planeta. Bukod dito, dapat mahal ng pusong ito ang katotohanan. Ano ang pangunahing kahulugan ng pagmamahal sa katotohanan? Nangangahulugan ito ng pagmamahal sa mga positibong bagay, pagpapahalaga sa katarungan, at kakayahan na taos-pusong igugol ang iyong sarili para sa Diyos, tunay na mahalin Siya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Matapos basahin ang salita ng Diyos, sobra akong naantig. Naramdaman ko ang mga inaasahan at hinihingi ng Diyos para sa mga tao. Ayaw ng Diyos na maging tanyag, dakila, o matayog ang mga tao. Hindi hinihingi sa atin ng Diyos na gumawa ng malalaking gawain o magkaroon ng anumang maluluwalhating tagumpay. Umaasa lamang ang Diyos na hahangarin ng mga tao ang katotohanan at magpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at isasakatuparan ang kanilang mga tungkulin sa praktikal na paraan. Pero hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos, at hindi ko kilala ang sarili ko. Gusto ko palagi ng katayuan, at maging isang matayog o makapangyarihang tao. Kung walang katayuan at atensyon, pakiramdam ko ay namumuhay ako sa isang nakapanlulumo at walang silbing buhay. Wala talaga akong pagkatao o katwiran. Malinaw na isa akong damo na gustong maging isang puno, isang maliit na ibon na gustong maging agila, at bilang resulta nagpumilit ako hanggang sa maging miserable ako at mapagod. Nang mapagtanto ito, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Dati, palagi kong hinahangad ang katayuan, reputasyon, at pakinabang. Gusto ko palagi na hangaan at purihin. Hindi ako kontento na gawin ang tungkulin ko nang nakakubli, na Iyong kinamumuhian at kinasusuklaman. Ngayon, nauunawaan ko nang ito ang maling daan. Nais kong magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Maaari man akong maitaas ng ranggo sa hinaharap o hindi, hahanapin ko ang katotohanan sa praktikal na paraan at gagampanan nang maayos ang aking tungkulin.” Pagkatapos kong magdasal, sobrang gumaan ang pakiramdam ko, at nadama kong mas napalapit ako sa Diyos.

Kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, nagkamit ako ng ilang kaalaman tungkol sa mga mali kong pananaw sa paghahangad. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag itinataas ng ranggo ang isang tao para magsilbing lider o manggagawa, o nililinang siya para maging superbisor sa isang uri ng teknikal na gawain, ito ay walang anuman kundi pagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos ng isang pasanin. Ito ay isang atas, isang responsibilidad, at siyempre, isa rin itong espesyal na tungkulin, isang pambihirang oportunidad; ito ay isang natatanging pagtataas, at walang dapat ipagmayabang ang taong ito. Kapag ang isang tao ay itinataas ng ranggo at nililinang ng sambahayan ng Diyos, hindi ibig sabihin no’n ay mayroon siyang espesyal na posisyon o katayuan sa sambahayan ng Diyos, kaya maaari siyang magtamasa ng espesyal na pagtrato at pabor. Sa halip, pagkatapos niyang lubos na maitaas ng sambahayan ng Diyos, binibigyan siya ng mga napakagandang kondisyon para makapagsanay sa sambahayan ng Diyos, para makapagsagawa ng ilang makabuluhang gawain sa iglesia, at kasabay niyon, ang sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mga mas mataas na hinihinging pamantayan para sa taong ito, na labis na kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok. Kapag itinataas ng ranggo at nililinang ang isang tao sa sambahayan ng Diyos, ibig sabihin ay magiging mahigpit ang mga hinihingi sa kanya at maigting siyang pangangasiwaan. Mahigpit na sisiyasatin at pangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ginagawa niya, at mauunawaan at bibigyang-pansin ang kanyang pagpasok sa buhay. Mula sa mga pananaw na ito, nagtatamasa ba ang mga taong itinataas ng ranggo at nililinang ng sambahayan ng Diyos ng espesyal na pagtrato, espesyal na katayuan, at espesyal na posisyon? Hindi talaga, at lalo nang hindi sila nagtatamasa ng anumang espesyal na pagkakakilanlan. Para sa mga taong naitaas ng ranggo at nalinang, kung pakiramdam nila ay mayroon silang kapital na bunga ng medyo epektibong pagganap nila sa kanilang tungkulin, kung kaya’t hindi sila umuunlad at tumitigil sila sa paghahangad ng katotohanan, nanganganib sila kapag nahaharap sa mga pagsubok at pagdurusa. Kung masyadong maliit ang tayog ng mga tao, malamang na mawawalan sila ng kakayahang manindigan. Sinasabi ng ilan, ‘Kung ang isang tao ay itinataas ng ranggo at nililinang bilang isang lider, mayroon siyang pagkakakilanlan. Kahit hindi siya isa sa mga panganay na anak, kahit papaano ay may pag-asa siyang maging isa sa mga tao ng Diyos. Hindi pa ako naitaas ng ranggo o nalinang kahit kailan, kaya ano ang pag-asa kong mabilang na isa sa mga tao ng Diyos?’ Maling mag-isip sa ganitong paraan. Para maging isa sa mga tao ng Diyos, dapat magkaroon ka ng karanasan sa buhay, at dapat kang maging isang taong sumusunod sa Diyos. Lider ka man, manggagawa, o ordinaryong tagasunod, sinumang nagtataglay ng mga katotohanang realidad ay isa sa mga tao ng Diyos. Kahit isa kang lider o manggagawa, kung wala kang mga katotohanang realidad, isa ka pa ring tagapagsilbi(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa iglesia ay hindi nangangahulugang magkakaroon ng espesyal na katayuan ang mga tao, o makakatanggap sila ng espesyal na pagtrato gaya ng mga opisyales sa mundo. Isa lang talaga itong pagkakataon para magsagawa. Isa lamang itong mas malaking responsibilidad para sa mga tao. Ang maitaas ng ranggo at malinang ay nangangahulugan lamang na ang isang tao ay lumilipat mula sa isang tungkulin papunta sa isa pa. Hindi ito nangangahulugan na ang pagkakakilanlan at katayuan ng isang tao ay mas mataas kaysa sa iba, at bukod pa rito, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan o tinataglay ang mga realidad nito. Ang hindi pagkataas ng ranggo ay hindi nangangahulugan na ikaw ay mas mababa, at hindi ito nangangahulugan na wala kang kinabukasan at hindi maliligtas. Sa madaling salita, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, maitaas ka man ng ranggo o hindi, patas na tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao, at bawat tao ay binibigyan ng pagkakataong magsagawa sa kanyang tungkulin. Makatwirang isinasaayos ng iglesia ang mga tungkulin ayon sa kakayahan at mga kalakasan ng bawat tao, nang sa gayon ay magamit nang husto ang kakayahan at mga kalakasan ng bawat tao. Pinakikinabangan itong pareho ng gawain ng iglesia at ng ating personal na pagpasok sa buhay. Maitaas ka man ng ranggo sa isang mahalagang tungkulin o hindi, ang mga inaasahan ng Diyos sa mga tao at ang pagtustos para sa lahat ay pareho. Gusto ng Diyos na hangarin ng mga tao ang katotohanan at baguhin ang kanilang mga disposisyon habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Samakatuwid, ang kaligtasan ng Diyos para sa mga tao ay hindi kailanman nakadepende sa kanilang katayuan o kuwalipikasyon. Sa halip, nakadepende ito sa pag-uugali ng mga tao sa katotohanan at sa kanilang tungkulin. Kapag tinahak mo ang landas ng paghahangad ng katotohanan, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, mas makakapagsanay ka, at patuloy kang makakagawa ng pag-usad sa buhay. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi ka magtatagal. Sa malao’t madali, matatanggal ka at matitiwalag. Wala akong dalisay na pagkakaunawa sa pagtataas ng ranggo noon. Palagi kong inakala na ang maitaas ng ranggo ay nangangahulugang pagkamit ng katayuan, at kapag mas mataas ang katayuan ko, mas magiging maganda ang kinabukasan at kapalaran ko. Bilang resulta, hindi ko pinagtuunan ang paghahangad ng katotohanan sa aking tungkulin, at katayuan lamang ang hinangad ko. Ngayon ko lang napagtatanto na ang ganitong pananaw sa mga bagay-bagay ay hindi makatwiran! Sa totoo lang, binigyan ako ng pagkakataon ng iglesia na magsagawa, pero masyado lang mahina ang kakayahan ko para sa mga mas importanteng gawain. Pero wala akong kabatiran sa sarili, kaya pakiramdam ko palagi ay may kakayahan ako at pwedeng itaas ng ranggo para gumawa ng mas mahalagang gawain. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Anumang gawain ang gawin natin sa sambahayan ng Diyos, kailangan nating lahat na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa mga katotohanang prinsipyo para magkamit ng magagandang resulta ang ating gawain. Pero hindi ko naunawaan ang katotohanan, at hindi talaga ako makagawa ng anumang praktikal na gawain. Kahit na maitaas ako ng ranggo, anong pwede kong magawang mabuti? Hindi ba’t makakahadlang lang ako? Hindi na bale na sobra akong mapapagod, mahahadlangan ko rin ang gawain ng iglesia. Hindi magiging sulit iyon. Sa puntong ito, sa wakas ay napagtanto ko na ang kasalukuyan kong tungkulin ay angkop na angkop sa akin. May kakayahan akong gawin ito, at nagagamit nito ang mga kalakasan ko. Malaking tulong ito para sa sarili kong pagpasok sa buhay, at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Sa pamamagitan ng kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos, nabatid ko ang kalooban ng Diyos, nahanap ko ang sarili kong lugar, nalaman ko kung anong tungkulin ang dapat kong gawin, at ang negatibo kong kalagayan ay nabaligtad.

Pagkatapos niyon, hindi na ako gaanong kontrolado ng reputasyon, pakinabang, at katayuan, at nagdadala na ako ng pasanin sa tungkulin ko. Kapag hindi ako abala sa gawain, ginagamit ko ang mga libre kong oras para magsanay sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo tungkol sa Diyos. Kapag nakikita ko na ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos at nauuhaw sa katotohanan ay tinatanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, lubhang gumagaan at gumiginhawa ang pakiramdam ko. Sa wakas, naunawaan ko na hindi mahalaga kung gaano kaimportante ang isang posisyong ibinigay sa iyo, ang mahalaga ay kung kaya mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha habang ginagawa mo ang iyong tungkulin. Ito ang pinakaimportanteng bagay. Ngayon, kahit na madalas kong nababalitaan na ang ilang kakilala kong kapatid ay naitataas ng ranggo, mas kalmado na ako, at hindi na ako naiinggit na gaya ng dati, dahil alam ko na kahit na magkakaibang tungkulin ang ginagampanan namin, lahat kami ay nagsusumikap para sa iisang mithiin, at ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin upang ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ngayon, sa wakas ay nahanap ko na ang lugar ko. Isa lang akong maliit na nilikha. Ang tungkulin ko ay sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Sa hinaharap, anuman ang tungkulin ko, handa akong tanggapin, sundin, at gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin para mapasaya ang Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pag-Iwan sa Pag-aaral Ko

Ni Lin Ran, Tsina Simula noong bata ako, sinabi sa akin ng mga magulang ko na dahil wala silang anak na lalaki, kami lang dalawa ng kapatid...

Pagsaksi sa isang Himala sa Gitna ng Kawalan ng Pag-asa

Sa mga pangyayaring kaugnay sa sakunang ito, nananalangin siya sa Diyos at umaasa sa Diyos, at sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nakakatagpo siya ng pananampalataya at lakas, at nakakasaksi ng isang himala sa gitna ng kawalan ng pag-asa.

Iuulat o Hindi Iuulat

Ni Yang Yi, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pagsang-ayon ng Diyos....