Ang Inggit ang Kabulukan ng mga Buto

Pebrero 7, 2022

Ni Su Wan, Tsina

Noong Nobyembre 2020, nahalal akong maging lider ng grupo ng pagdidilig—napakasaya ko. Dahil nahalal bilang lider ng grupo, pakiramdam ko’y naunawaan ko ang katotohanan, na may mas mahusay akong pagpasok sa buhay kaysa sa iba. Ginusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para tumaas ang tingin ng lahat sa akin. Paglipas ng ilang panahon, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pag-unlad, at sinabi ng mga kapatid na malinaw ang pagbabahagi ko, na nakakalutas ako ng ilang problema. Bilib na bilib ako sa sarili ko dahil sa papuri na ito. Pero makalipas ang isang buwan, binago ng pagdating ni Sister Yu ang lahat. Naging lider na siya dati, mayroon siyang pagbabahagi na nakapagbubukas ng isipan, at may mahusay siyang kakayahan at mga kasanayan sa gawain. Nakita niya ang ilang isyu sa gawain namin pagdating na pagdating niya at mabilis na nakahanap ng mga salita ng Diyos para magbahagi tungkol sa mga bagay-bagay. Paglipas ng ilang panahon, napansin ko na hinahanap siya ng mga kapatid para makipagbahaginan, at nagsimula akong makaramdam ng inis. Ako ang lider ng grupo, kaya kung ang kakayahan kong lumutas ng mga problema ay hindi kapantay ng sa kanya, ano ang iisipin nila sa akin? Iisipin ba nila na hindi ako mahusay na lider ng grupo, na hindi ako makalutas ng mga problema? Nakakahiya talaga ang isiping iyon at nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Sister Yu. Pakiramdam ko’y nagpapakitang-gilas siya at hindi ako iginagalang bilang lider ng grupo, na sinasadya niya akong ipahiya. Inisip ko na kahit na naging lider na siya noon at may kaunting karanasan, mahusay din naman ang kakayahan ko, kaya hindi ko naisip na malalampasan niya ako. Para maiwasan ang kahihiyan, sinikap kong pagnilayan ang mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, para magbahagi nang mas mahusay kaysa sa kanya. Nang naharap sa mga problema ang mga kapatid, sinikap kong maghanap ng mga salita ng Diyos upang malutas ang mga ito, at mag-isip ng anumang karanasan na maaari kong ibahagi para makita ng iba kung sino talaga ang may realidad ng katotohanan. Nabuhay ako sa isang kalagayan ng inggit, laging nakikipaglaban sa iba.

Minsan sa isang pagtitipon, ikinuwento ng isang sister ang ilang paghihirap na kinaharap niya sa kanyang tungkulin. Naisip ko na kailangang may maisagot ako, na kailangan kong maghanap ng ilang salita ng Diyos para makatulong sa problema niya. Sa ganoong paraan ay hindi ako ituturing ng iba na mas mababa kay Sister Yu. Pero habang lalo ko ’yong gustong gawin, mas lalo akong nalito. Palipat-lipat ako ng pahina nang walang nakikitang angkop na sipi. Sa huli, nakakita si Sister Yu ng isang sipi para talakayin sa kanya. Pakiramdam ko’y nabigo ako, at nag-iinit ang mukha ko sa kahihiyan. Gusto ko talagang humanap ng lunggang mapagtataguan. Kapag mas gusto kong patunayan ang sarili ko, mas napagmumukha kong hangal ang sarili ko. Pakiramdam ko’y hindi ko mapapantayan si Sister Yu kahit kailan, gaano man ako magsikap. Pakiramdam ko’y napakamiserable ko talaga. Naisip ko na napahiya ako sa paggawa ng tungkuling iyon, na talagang basang-basa na ako ng iba, at malamang na sa tingin ng mga kapatid ay mas mahusay na lider ng grupo si Sister Yu. Kung gayon, siguro’y dapat magbitiw na lang ako agad kaysa patagalin pa ito para maiwasan ang higit na kahihiyan. Sa totoo lang, alam ko na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ang ganitong klase ng pag-iisip, pero hindi ko maiwasang mainggit sa kanya. Nasaktan at nanlumo ako, at hindi ko alam kung paano takasan ang mga gapos ng reputasyon at katayuan. Nililimitahan ko rin ang sarili ko, iniisip na lagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan, kaya marahil ay likas lang ito sa akin at hindi ko ito mababago. Ginusto kong magtapat sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko, pero natakot akong hahamakin nila ako. Isa pa, ayaw kong aminin na hindi ko siya mapantayan. Kaya patuloy akong nanlumo at lalo akong nagkaroon ng pagkiling laban kay Sister Yu. Nakita ko kung gaano siya kaaktibo sa mga pagtitipon, kaya naisip kong nagpapakitang-gilas siya, tinatangkang makipagpaligsahan sa akin para sa katayuan. Ayaw kong makisalamuha sa kanya. Naisip ko pa ngang magtapat sa isa pang sister tungkol sa kalagayan ko para isipin niyang si Sister Yu ang nagdulot ng lahat ng panlulumo ko. Gusto kong pumanig siya sa akin at bumaba ang tingin niya kay Sister Yu, para huhusgahan niya siya kasama ko. Alam ko sa kaibuturan ng puso ko na nakikipagkampihan ako laban sa kanya, pero hindi ko ito masyadong inisip. Isang gabi, nagsimula akong magkuwento sa isang sister kung gaano ako kalungkot. Sa pangkalahatan, si Sister Yu ang nagmumungkahi kung aling mga salita ng Diyos ang dapat naming pagbahaginan, at pinangungunahan niya rin ang mga panalangin. Pakiramdam ko binalewala niya ako. Pakiramdam ko’y napipigilan ako at ni ayaw ko na ngang maging lider ng grupo. Akala ko’y kakampihan ako ng sister, pero sinabi niyang dapat kong tratuhin nang maayos si Sister Yu. Makalipas ang ilang araw, nakita ko na kasundong-kasundo niya si Sister Yu, at sobrang hindi ako naging komportable. Naisip ko na napakarami kong ibinahagi sa kanya, kaya paanong hindi siya nagkaroon ng ilang opinyon tungkol kay Sister Yu? Medyo nagulat ako nang maisip ko ’yon. Paano ko nagawang isipin ’yon? Hindi ba’t tinatangka kong bumuo ng isang pangkat, para ibukod si Sister Yu? Mas lalo akong natakot at sinimulang pagnilayan ang sarili ko.

Naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Kung ang ilang mga tao ay may nakikitang isang tao na mas magaling kaysa sa kanila, sinasawata nila ang mga ito, nagpapasimula sila ng tsismis tungkol sa mga ito, o gumagamit sila ng ilang mapanlinlang na paraan para hindi hangaan ng ibang tao ang mga ito, at na walang taong mas mahusay kaysa iba, sa gayo’y ito ang tiwaling disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, gayundin ng kabuktutan, pagiging mapanlinlang at katusuhan, at walang makakapigil sa mga taong ito na makamtan ang kanilang mga layon. … Una sa lahat, para magsalita mula sa pananaw ng likas na mga katangian ng mga bagay na ito, hindi ba ginagawa lamang ng mga taong ganitong kumilos ang gusto nila? Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng pamilya ng Diyos? Iniisip lamang nila ang sarili nilang damdamin at nais lamang nilang makamtan ang sarili nilang mga layon, anuman ang mawala sa gawain ng pamilya ng Diyos. Hindi lamang mayabang at mapagmagaling ang ganitong mga tao, makasarili rin sila at nakakamuhi; wala talaga silang pakialam sa layunin ng Diyos, at ang ganitong mga tao, walang duda, ay hindi nagtataglay ng mga pusong may takot sa Diyos. Kaya nga ginagawa nila ang anumang gusto nila at kumikilos sila nang walang-ingat, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito(“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Hindi ko kailanman pinag-isipan ang sarili ko batay sa mga salitang ito noon. Tapos nakita ko sa wakas na ibinubunyag ng Diyos ang sarili kong kalagayan. Hindi ko inakala kailanman na magiging napakasama ko. Sumasalungat ako kay Sister Yu sa lahat ng oras, dahil naiinggit ako sa kanya. Mas maganda ang pagbabahagi niya at nakakalutas siya ng mga praktikal na problema ng iba. Hindi ako natuwa roon, kundi naramdaman kong ipinahiya ako nito. Sa kagustuhang mapabuti ang imahe ko sa iba, sinubukan kong mag-isip nang husto para malampasan siya. Nang hindi ko ’yon nagawa, kinamuhian ko siya, at hinusgahan siya na nagpapakitang-gilas at tinatangkang agawin sa akin ang atensiyon. Bumuo ako ng isang paksyon, at nagpakalat ng mga maling palagay laban sa kanya para ibukod at husgahan siya ng lahat. Nakita ko na talagang mayabang ako at hindi ko maatim ang sinumang mas mahusay sa akin. Walang makakapigil sa akin na kumapit sa titulo ko bilang lider ng grupo—ito’y nakakatakot at nakaririmarim. Ano ang ipinagkaiba ko sa mga anticristo na nilabanan at ibinukod ang iba para lang sa katayuan? Malinaw na kulang ako sa pagpasok sa buhay at hindi ko kayang lutasin ang mga problema ng iba. Hindi ko hinahayaan si Sister Yu na mag-alok ng tulong at pagbabahagi. Hindi ba’t inaantala ko ang pagpasok sa buhay ng iba, at sinasaktan ang mga kapatid? Wala akong anumang pagkatao! Lalo akong nakonsiyensiya nang maisip ko ito, at nadamang talagang nabigo ko ang mga kapatid. Tapos ay naglakas-loob ako na magtapat tungkol sa pagnanasa kong makipagtunggali kay Sister Yu nitong huli, at humingi ako ng tawad sa kanya. Sinabi niyang napansin nga niya na hindi ako masaya habang nagbabahagi siya at nadama niyang napipigilan siya, at ayaw niyang magbahagi nang husto, sa takot na maapektuhan ako. Doon ko napagtanto na nagkaroon ng negatibong epekto sa kanya ang pakikibaka ko, at sumama ang pakiramdam ko. Alam ko na ang mga pagtitipon ay lugar para sambahin ang Diyos, hindi lugar upang makipaglaban para sa reputasyon at pakinabang. Pero wala sa hulog ang isip ko—ginusto kong makipagpaligsahan sa kanya, na nakagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at humadlang sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Napuno talaga ako ng pagsisisi. Ang pamumuhay nang may mga ganitong uri ng mga satanikong disposisyon ay nakakasakit ng ibang tao, at humahantong ako na namumuhay sa pait at sakit. Nakakasakit din talaga sa akin ang mainggit sa iba.

Naghanap ako nang naghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Upang maging isang lider ng iglesia, ang isang tao’y hindi lamang dapat matutuhang gamitin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, kundi upang tumuklas at luminang din ng mga taong may talento, na talagang hindi dapat pigilan o kainggitan ng isang tao. Ang gayong pagganap ng tungkulin ay pasado sa pamantayan, at ang mga lider at manggagawa na gumagawa nito ay pasado sa pamantayan. Kung nagagawa mong kumilos sa lahat ng bagay ayon sa mga prinsipyo, ipinamumuhay mo ang iyong katapatan. Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila mismo’y pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Masama ito! Pansariling interes lang ang iniisip niya, pansariling mga hangarin lamang ang binibigyang-kasiyahan niya, wala siyang konsiderasyon sa mga tungkulin ng iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at hindi sila mahal ng Diyos. Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagtataguyod ka ng isang mabuting tao at inaalagaan siya tungo sa kagalingan, pagkatapos niyon ay magkakaroon ng isa pang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsiyensiya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider. … Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba’y naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos na kailangang matutunan ng mga lider at manggagawa kung paano kilalanin at linangin ang mga taong may talento, at ang mainggit sa kanila ay isang bagay na kinamumuhian ng Diyos. May malalim na pagkaunawa ang pagbabahagi ni Sister Yu at nakakalutas siya ng mga tunay na problema. Mabuti iyon para sa gawain ng iglesia at sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Kailangan kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at bitiwan ang sarili kong reputasyon at katayuan, para makipagtulungan nang maayos sa kanya at gawin ang sarili kong tungkulin. At ang mapili bilang lider ng grupo ay pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magsagawa. Hindi ito nangangahulugang alam ko na ang lahat. Normal na magkaroon ng mababaw na pagkaunawa sa katotohanan at sa ilang iba pang isyu, kaya dapat akong matuto kay Sister Yu. Pero iniisip ko ang sarili ko bilang isang lider ng grupo, akala ko’y dapat magawa kong makita at malutas ang bawat problema, na hindi puwedeng maging mas kakaunti ang kakayahan ko kaysa sa sinuman, kaya lagi akong nakikipagpaligsahan kay Sister Yu at nanlulumo ako kapag hindi ako makagawa nang mas mahusay sa kanya. Labis ang kahangalan ko. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na malutas dapat ng mga lider ang bawat problema. Nais Niya na maging matatapat na tao tayo, na magbahagi lang sa kung ano ang nauunawaan natin, at talakayin ang anumang hindi natin nauunawaan sa mga kapatid. Iyon ang kalooban ng Diyos. Hindi na ako sobrang nainggit kay Sister Yu matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, at nagawa kong tanggapin at ipatupad ang anumang magagandang ideya na mayroon siya. Nagtulungan kami na magbahagi at tumulong sa sinumang nagbabanggit ng mga isyu sa mga pagtitipon, at napakaraming problema ang nalutas sa ganoong paraan.

Matapos ang lahat ng ’yon, akala ko’y nagbago na ako, Na hindi na ako masyadong nakatuon sa reputasyon at katayuan. Pero labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Nang dumating ang tamang sitwasyon, hindi ko pa rin naiwasang ipakita ang bahaging ’yon ng pagkatao ko. Noong Hulyo 2021, Natanggal ako dahil hindi ko kinaya ang tungkulin ng isang lider ng grupo. Nahalal si Sister Yu na papalit sa akin. Alam ko sa puso ko na isa itong positibong pagbabago at naramdaman kong magagawa niya talaga nang mas mahusay ang trabaho. Ang paghalal sa kanya ay magdudulot ng pakinabang sa buhay ng mga kapatid. Pero nakita ko kung gaano kabigat ang pinasan niya sa kanyang tungkulin, at na nagawa niyang mabilis na asikasuhin ang anumang paghihirap na naranasan ng mga miyembro ng grupo. Nakagawa rin siya ng buod ng mga kamalian sa buhay-iglesia namin. May napukaw iyong mga damdamin sa akin. Kung mas marami ang magawa ni Sister Yu sa panahon niya bilang lider ng grupo, hindi ba’t magmumukha akong masama dahil doon? Ano na lang ang iisipin sa akin ng lahat? Sigurado akong iisipin nila na wala akong silbi at kulang ako sa kakayahan. Nang maisip ko ito sa ganoong paraan, hindi na ako umasa sa muling pagpapasigla ng buhay-iglesia. Dati, nagbabahaginan man kami tungkol sa mga salita ng Diyos o nag-uusap tungkol sa mga isyu sa gawain namin, maagap ako, at tumutulong na mapanatiling nakikilahok ang lahat. Pero ngayon ako na ang huling nagsasalita sa mga pagtitipon, at kung minsan, kapag nagkaroon ako ng kaunting kaliwanagan, ayaw kong magsalita tungkol dito. Mabigat sa loob na magsasabi ako ng ilang salita kapag patapos na ang pagbabahaginan namin. Kapag hinihiling sa akin ni Sister Yu na magpatuloy, ayaw ko nang magbahagi pa. Sa ilang panahon, naging masama ang kalagayan ng mga kapatid dahil sa ilang paghihirap sa mga tungkulin nila, at masyadong abala si Sister Yu para agad iyong harapin. Hindi ako nag-alok ng tulong, at ikinatuwa pa ang mahirap na sitwasyong iyon, iniisip na, “Hindi ka rin kahanga-hangang lider—hindi ka mas mahusay sa akin!” Nakita ko na nasa masamang kalagayan ang iba at naaapektuhan ang buhay-iglesia, at umasa pa ako na sana’y patuloy na maging ganoon ang mga bagay-bagay. Tapos nakita ko si Sister Yu na talagang mabilis na naglaan ng oras para lutasin ang mga isyu na ito. Hindi talaga ako natuwa. Mas lalo ko siyang hindi nagustuhan. Umabot pa sa punto na anumang sabihin niya, anumang opinyon na ipahayag niya, ni ayaw kong marinig. Tumatalikod ako at tumitingin sa ibang direksiyon kapag nagbabahagi siya sa mga pagtitipon. Alam kong palala nang palala ang inggit ko, lalong nagiging mapanganib, na maaari itong makapinsala sa kanya at sa buhay-iglesia. Ayaw kong magpatuloy ’yon, pero hindi ko ito matakasan. Sa aking pasakit, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ayaw kong kainggitan si Sister Yu, pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Pakiusap, iligtas Mo po ako para makita ko ang mga panganib ng reputasyon at katayuan, upang makalaya ako sa mga gapos ng aking katiwalian.” Matapos magdasal, ibinahagi ko sa lahat ang pinagdadaanan ko. Sinabi ni Sister Yu na hindi niya kailanman inakala na mararamdaman ko iyon sa kanya, at sumama ang pakiramdam niya. Labis akong nakonsiyensiya nang marinig kong sabihin niya ’yon. Matagal na kaming magkakilala, inggit na inggit ako sa kanya at hinuhusgahan ko siya sa likod niya, pero hindi siya nagagalit. Naging mapagmalasakit siya, nagbabahagi tungkol sa katotohanan para tulungan ako. Ang pakikitungo sa kanya nang ganoon ay labis na mapaghangad ng masama at hindi makatao sa parte ko.

Tapos sa isang pagtitipon, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mga manloloko, nakikipagsabwatan, at tampalasan, kundi likas ring malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawalan sila ng puwang sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, wala silang anumang gustong gawin, at lahat ng gawin nila ay mababang uri. Wala silang ganang gampanan ang kanilang tungkulin. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang naloloko, lumalabas ang selos at paghihiganti, at lumalabas ang poot. Hindi lamang sila walang takot sa Diyos, wala rin sila ni katiting na pagsunod. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang mga lider at manggagawa; sa kanilang mga puso, pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang sambahayan ng Diyos, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahanap ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng anticristo—at hindi ba’t malupit ito?(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Ipinapakita sa atin ng Diyos na ang mga anticristo ay tuso, masama, at may malupit na kalikasan. Kapag nawala ang kanilang katayuan o ang suporta ng iba, nagiging mainggitin sila at gustong maghiganti. Hindi lang nila basta iniraraos lang ang kanilang tungkulin, kundi gusto pa nilang mapasama ang mga bagay-bagay sa gawain ng iglesia. Nais nilang gawing katatawanan ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Napagtanto kong kalagayan ko mismo ang inilalarawan ng Diyos na mga anticristo sa Kanyang mga salita. Matapos matanggal, nakita ko ang naging pasanin ni Sister Yu sa tungkulin niya, na kaya niyang harapin ang mga tunay na problema. Natakot ako na kung naging mahusay ang trabaho niya at bumuti ang buhay-iglesia, ipapakita nito kung gaano siya higit na mas mahusay kaysa sa akin. Upang mapangalagaan ang katayuan at imahe ko, inasam kong sumama ang buhay-iglesia. Ayaw kong ibahagi ang napakalinaw na mga kabatiran na mayroon ako. Ikinatuwa ko nang makita ko na hindi nalulutas ni Sister Yu ang mga problema sa tamang oras, pinagtatawanan ko siya. Hindi ko gusto ang lahat ng tungkol sa kanya at lubos ko siyang tinanggihan. Nagpakita ako ng malupit na disposisyon ng isang anticristo. Alam ko na may direktang epekto ang buhay-iglesia sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, na magagawa lang nila nang maayos ang kanilang tungkulin kapag nasa magandang kalagayan sila at may pagpasok sa buhay. Pero ninais kong manatiling mataas ang tingin ng iba sa akin, kaya hindi lang ako nabigong itaguyod ang buhay-iglesia, kundi natuwa pa ako na makitang hindi nalulutas ang mga problema ng mga tao, na makitang walang kinahihinatnan ang kanilang tungkulin. Talagang naging mapanira ako at mapaghangad ng masama. Kapag ang sambahayan ng Diyos ay nagpo-promote o nagtatanggal ng isang tao, para iyon sa kapakanan ng gawain. Hindi ko kinaya ang trabaho ko, kaya natanggal ako, at pagkatapos ay isang mas mahusay na kandidato ang tumanggap no’n. Hindi ako natuwa roon at ayaw kong makipagtulungan nang maayos sa kanya, at sinabotahe ko pa nga siya, mapanggambala ako at sinaktan ko siya. Tao pa ba ako? Napuno ako ng pagsisisi nang maisip ko iyon at nagsimula na lang tumulo ang mga luha ko. Kinasuklaman ko kung gaano ako kalupit, at alam kong hindi ako karapat-dapat mamuhay sa harap ng Diyos. Naaalala ko ang bersikulo na ito sa Biblia: “Ang inggit ay kabulukan ng mga buto” (Kawikaan 14:30). Totoong-totoo ito. Ang inggit ang nagdudulot ng poot at maaaring magdulot sa mga tao na gumawa ng mga kahibangan.

Nang gabing ’yon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay palaging nanggagambala, nang-aabala, at nangwawasak pagdating sa mga bagay na nais pag-ingatan ng Diyos, at kung palagi mong hinahamak ang mga ito at mayroon kang sariling mga haka-haka at mga iniisip, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na gusto mong makipagtalo sa Diyos, na hindi pumanig sa Kanya, na hindi mo pinahahalagahan ang gawain at mga interes ng Kanyang sambahayan. Palagi mong sinusubukang pahinain ito, palagi mong nais na maging mapangwasak, palagi mong nais na makakuha ng pakinabang dito, at palagi mong sinusubukang maging sanhi ng mga paghihirap at gumawa ng masasamang bagay. Kung ganito ka, magagalit ba ang Diyos sa iyo, o hindi? (Magagalit Siya.) At paano Niya ipakikita ang Kanyang galit? (Parurusahan Niya tayo.) Tiyak na parurusahan Niya kayo. Hindi ka patatawarin ng Diyos; siguradung-siguradong hindi ka Niya patatawarin. Ito ay dahil pinahina, pinasama, at pininsala ng masasamang bagay na ginawa mo ang gawain ng iglesia, taliwas ang mga ito sa interes ng gawain ng sambahayan ng Diyos, isa itong malaking kasamaan, kumakalaban ito sa Diyos, at isang direktang paglabag sa disposisyon ng Diyos—kaya paanong hindi mapopoot ang Diyos sa iyo? Kung hindi handa ang ilang tao na gawin ang isang trabaho dahil sa mahinang kakayahan, at hindi sinasadyang nakagawa sila ng ilang maliliit na pagkakamali, maaaring iwasto sila ng Diyos sa angkop na paraan na naaayon sa lala ng kanilang mga pagkakamali. Gayunman, kung sadya kang naiinggit at nakikipagtalo para sa sarili mong mga interes, at sadya kang lumalabag, at gumagawa ng ilang bagay para gambalain, abalahin, at wasakin ang gawain ng Diyos, kung gayon ay nilalabag mo ang Kanyang disposisyon. Kaaawaan ka ba Niya? Ibinuhos ng Diyos ang lahat ng Kanyang dugo, pawis, at luha dito mismo sa gawain ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Kung gagawa ka nang laban sa Kanya, at sadyang pipinsalain ang mga interes ng Kanyang sambahayan at hahangarin ang sarili mong mga interes kapalit ng mga interes ng Kanyang sambahayan, naghahangad ng personal na kasikatan at katayuan, hindi inaalala ang tungkol sa pagkawasak ng gawain ng sambahayan ng Diyos o nagsasanhi na hadlangan o wasakin ito, at nagdudulot pa nga ng malaking pagkalugi sa mga materyales at pananalapi ng sambahayan ng Diyos, sa tingin mo ba ay dapat patawarin ang isang taong tulad mo? (Hindi.)” (“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Nadama ko ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos mula sa Kanyang mga salita. Ninais kong panatilihin ang katayuan ko sa lahat, kaya lumaban ako kay Sister Yu, umaasa pa ngang magmukha siyang masama. Naapektuhan ko ang gawain ng iglesia. Hindi lang ako lumaban sa isa pang tao, kundi lumaban ako sa Diyos. Ginawa kong kolateral ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang makamit ang sarili kong mga layunin. Napakalaki ng isinakripisyo ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, umaasa lang na makakamit natin ang katotohanan, mababago ang ating mga disposisyon, at mailigtas Niya. Kapag ang mga kapatid ay may magandang buhay-iglesia at mabuting lider, saka lang sila makakapasok sa realidad ng katotohanan at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Isa akong nilikha, isang tagasunod ng Diyos, pero hindi ko talaga isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Nang makita kong nagdurusa ang buhay-iglesia, natuwa ako. Umasa pa nga ako na magpapatuloy nang ganoon ang mga bagay-bagay. Paano ko nagawang maging labis na kasuklam-suklam at masama? Umaasa si Satanas na hindi makukumpleto ang plano ng pamamahala ng Diyos, na mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na ang lahat ay pagtataksilan ang Diyos at hindi makakamit ang Kanyang kaligtasan, at na sa huli ay mapupunta sila sa impiyerno kasama ni Satanas. Sa pag-iisip at pagkilos sa ganoong paraan, hindi ba’t tulad lang ako ni Satanas, na ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang disposisyon ng Diyos ay hindi kukunsinti ng pagkakasala. Alam ko na kung patuloy akong tatangging magsisi, gagawa ako ng mas malaking kasamaan kalaunan, malalabag ko ang disposisyon ng Diyos, at maaalis Niya. Noon ko talaga naunawaan na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi mabuting landas. Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Hindi ko sineryoso ang isyu ng paghahabol sa reputasyon at katayuan, kundi inisip ko na gusto ko lang igalang ako ng iba. Akala ko’y hinding-hindi ko mapipinsala ang mga kapatid o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanan Na ang reputasyon at katayuan ay mga kasangkapang ginagamit ni Satanas para saktan ang mga tao, para igapos sila. Mga kadena ang mga iyon na inilagay ni Satanas sa akin. Nang dumating ang tamang panahon, nakontrol ako niyon At hindi ko naiwasang lumaban sa Diyos. Kung hindi ko hinangad ang katotohanan at tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at sa halip ay patuloy na hinabol ang mga bagay na ’yon, talagang maipapahamak ko ang sarili ko. Mula pa noong sinaunang panahon, sa paghahangad ng katayuan at kapangyarihan, ang mga matalik na kaibigan ng mga tao ay naging mahihigpit na kaaway, at ang mga pinakamamahal nila ay naging mapagpakana at malupit sa isa’t isa. Ganoon din ako kay Sister Yu. Iniisip ko lang ang katayuan ko, hindi ko na siya maatim. Akala ko’y inaagaw niya ang posisyon ko, kaya ginusto kong makipagpaligsahan sa kanya, at nang hindi ko siya madaig, ginusto kong bumuo ng paksyon para husgahan siya. Hindi ko tinangkang protektahan ang buhay-iglesia nang makita kong hindi maganda ang takbo nito, malamig akong tumayo sa isang tabi, hindi makapaghintay na mabigo siya para mapagtawanan ko siya. Handa pa nga akong makitang maapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakita ko na sa paghahabol sa reputasyon at katayuan, nasa landas ako na laban sa Diyos. Sa puntong iyon nakadama ako ng kung anong takot sa puso ko at alam ko na kung hindi ako magsisisi, sa halip ay patuloy na hahabulin ang reputasyon at katayuan, ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, pinakamainam na mawawalan siguro ako ng tungkulin, pero ang pinakamalala, maaari akong maging isang anticristo at mapatalsik sa iglesia. Mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos nang makita ko ito. Hindi ko kailanman nakita ang diwa ng reputasyon at katayuan o ang pinsalang nagagawa ng paghahangad ng mga ito, at hindi talaga ako kailanman naging handang bitiwan ang paghahangad na iyon. Sa pagkakataong ito, nagsasaayos ang Diyos ng isang totoong sitwasyon para personal kong maranasan ang sakit ng pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, upang makita ko ang pangit na katotohanan ng paghabol ko roon. Nararanasan ko rin ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang mga salita. Negatibo at mahina ang pakiramdam ko dati, na para bang masyado akong tiwali para magbago, at wala akong kumpiyansang hangarin ang katotohanan. Pero pagkatapos ay naunawaan ko na kahit na labis kong pinahahalagahan ang reputasyon at katayuan ko, hangga’t gusto kong hangarin ang katotohanan at personal na pagbabago, gagabayan ako ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, na alisin ang mga kadenang ’yon at pumunta sa landas tungo sa kaligtasan.

Tapos nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ano ang disposisyon ng mga tao kapag palagi nilang sinusubukang maging mas magaling kaysa sa iba, kapag palagi nilang sinusubukan na maungusan ang iba, kapag palagi nilang sinusubukan na mamukod-tangi sa karamihan? (Isang mayabang na disposisyon.) Ito ay hindi pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos—hindi hinihiling ng Diyos na isaalang-alang mo Siya sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na ganito sila kapag nakikipagtagisan. Sa anumang anggulo, ang pakikipagtagisan ay isang bagay na negatibo. Isa itong paghahayag—isang pagpapamalas—ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Kapag may ganito kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi. Problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang gusto mong maging isang nilalang ng Diyos, huwag mong pagsikapan ang ganoong mga bagay. Ang pakikipagkompitensya, pagpapasikat ng mga kakayahan mo—hindi mabubuting bagay ang mga ito; ang pag-aaral lamang na maging masunurin ang nagpapakita ng katinuan.” “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong katayuan, hanapin ang tamang katayuan para sa inyo, at panindigan ang inyong katayuan. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa isang propesyon at nauunawaan ang mga prinsipyo nito, at dapat silang gumawa ng panghuling pagsisiyasat hinggil dito; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, upang magawa ng sinumang iba na mapabuti ang kanilang mga ideya at magampanan nang mas mahusay ang tungkuling ito—dapat silang magbigay sa gayon ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang katayuan para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong katayuan(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako nito ng landas ng pagsasagawa. Nagbibigay ang Diyos ng iba’t ibang kaloob at kakayahan sa bawat tao. Umaasa Siya na magpapasakop tayo sa Kanyang mga pagsasaayos at gagamitin ang ating mga kasanayan sa sarili nating posisyon. Mas kuwalipikado si Sister Yu kaysa sa akin at kaya niyang harapin ang mga totoong problema. Epektibo siyang lider ng grupo, at mabuting bagay ’yon. Kailangan kong matuto mula sa kanyang mga kalakasan at gawin nang maayos ang sarili kong tungkulin. Iyon lang ang makatwirang paraan. Pero natakot akong matawag na walang kakayahan. Naging mayabang ako at hindi ko naunawaan ang sarili ko. Hindi ko alam ang sarili kong lugar. Nakatuon si Sister Yu sa pagpasok sa buhay at may pagmamahal sa iba. Talagang naging matulungin din siya nang may napansin siyang mga isyu sa akin, kaya dapat pahalagahan ko ang pagkakataong iyon na makatrabaho siya at tumuon sa pagkilala sa sarili ko sa sitwasyong iyon na isinaayos ng Diyos. Makakatulong iyon sa pagpasok ko sa buhay. Ang ganoong pag-iisip ay nagbigay sa akin ng pakiramdam ng kalayaan. Pagkatapos no’n, binitiwan ko ang inggit ko sa kanya, at sa mga pagtitipon, aktibo akong nakilahok at nakipagtulungan sa kanya, ginagawa ang makakaya ko sa pagbabahagi at ginagawa ang lahat upang tulungan ang iba. Ang pagsasagawa niyon ay nagbigay sa akin ng pakiramdam ng kapayapaan na hindi ko pa naranasan noon. Inilalagay ng Diyos ang mga kapatid na may kakayahan sa tabi ko upang matuto ako sa kanilang mga kalakasan at mapunan ang aking mga pagkukulang. Pagkatapos ay mas mabilis akong uunlad sa buhay. Isa iyong walang katumbas na pagpapala.

Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng higit na pagkaunawa sa likas kong katiwalian. Nakita ko kung gaano ako labis na nagawang tiwali ni Satanas, kung paanong gagawin ko ang lahat para sa sarili kong reputasyon at katayuan, na ako ay tunay na masama. Naranasan ko rin ang pagliligtas ng Diyos. Ang maipit sa pakikipaglaban na ’yon para sa katayuan, sa pagkainggit na iyon ay talagang masakit, at ang paghatol ng mga salita ng Diyos ang nagpakita sa akin ng diwa ng ginawa ko, nagpalaya sa akin mula sa mga gapos ng katiwalian ko upang mas malaya akong makapamuhay. Nagpapasalamat ako sa pagliligtas ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, TsinaIlang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido...