Makakamit Ba ng mga Nagpapalugod sa Tao ang Kaligtasan ng Diyos?

Pebrero 4, 2021

Ni Hao Zheng, Tsina

Nagmula ako sa isang mahirap at makalumang nayon sa kabundukan na may mga sinaunang kaugalian at mga kumplikadong interpersonal na relasyon. Talagang naimpluwensyahan ako ng lugar na iyon at ng mga bagay na sasabihin ng mga magulang ko, tulad ng, “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi,” “Ang pag-iingat ay mas matimbang kaysa sa mahusay na pananalita, at madalas magkamali yaong panay ang salita,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka.” Ang lahat ng mga pilosopiyang ito ay naging mga salita ng karunungan para sa akin sa aking buhay. Kahit sa mga kapatid ko, maingat ko silang inoobserbahan palagi, sinusubukang magsabi ng magagandang bagay at papuri para mapasaya sila. Kapag may isang gumawa ng pagkakamali at tinanong ako ng mga magulang ko kung sino ito, lagi kong sinasabi na hindi ko alam, kaya medyo gusto ako ng mga kapatid ko. Palaging sinasabi ng Mama ko na mabuti rin akong bata. Sa oras na makalabas ako sa mundo, kasama ko man ang mga kaibigan ko o lahat ng iba’t ibang uri ng tao roon, lagi akong maingat sa aking mga kilos para protektahan ang aking mga relasyon. Wala akong ginagawang makakasakit sa kahit sino o nakikipagtalo kanino man. Kung may nakasakit sa akin, talagang mapagpatawad ako at hindi gagawa ng gulo. Palagi akong talo sa mga usapan, at nagkikimkim at nagagalit ako, pero kumakapit ako sa “Mas mabuti pang manahimik, kaysa magsalita at magkamali” at kinikimkim na lang ang mga nararamdaman ko. Nakilala ako sa aming pamilya’t mga kaibigan bilang isang mabuting tao. Binabati at pinupuri ako ng lahat sa pagiging ganoon, pero palagi kong nararamdaman ang bigat at sakit sa puso ko na hindi ko mailarawan. Lagi akong nakabantay sa lahat para wala akong masaktan na sinuman, at hindi ako kailanman nangahas na magkwento sa isang tao. Palagi akong nagpapaubaya at nagpapakitang-tao para protektahan ang mga sarili kong interes. Isa iyong masakit, nakakapagod, at nakalulungkot na paraan para mabuhay. Palagi kong iniisip dati, “Kailan ba matatapos ang pagdurusa kong ito? Paano ako mamumuhay nang mas madali?” Kapag naliligaw ako’t nasasaktan, iniaabot ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang kamay ng kaligtasan sa akin.

Noong 1998, pinalad akong tanggapin ang mga gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Natutuhan ko mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ang Diyos ay nagkatawang-tao at dumating upang iligtas ang sangkatauhan, higit sa lahat ay upang lutasin ang ating mga tiwaling disposisyon at hayaan tayong mamuhay nang isang tunay na kawangis ng tao. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga tapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). Sinasabi sa atin ng Diyos na maging tapat, payak, at bukas, iyon ang tanging paraan para makapasok sa kaharian ng langit. Nang mabasa ko ito, lubos kong naramdaman na ito ang mas madali at mas masayang paraan para mabuhay at hinahangad kong maging tapat ayon sa hinihiling ng Diyos. Sa mga pakikisalamuha’t pakikipagtipon sa mga kapatid, napansin kong lahat sila ay tapat at malayang nagsasalita. Sila ay tapat at totoo. Kapag may mga opinyon sila tungkol sa isang tao o may nakita silang naghahayag ng katiwalian, kaya nila itong sabihin para tulungan sila, at kaya nilang magsabi at pag-usapan ang nalalaman nila sa kanilang sarili. Talagang nakakagulat ito para sa akin, dahil ang akala ko, ang opinyon ng isang tao tungkol sa iba ay lubos na hindi pwedeng pag-usapan, na sa pagiging tapat, masasaktan ko ang iba at maipapahamak ang sarili ko. Pero hindi ko iyon kailangang alalahanin dito. Hindi sila kasing huwad tulad ng mga tao sa mundo, at hihingi sila ng tawad kapag may nasaktan silang iba. Palagi nilang isinasaalang-alang ang iba. Alam kong kaya nilang isagawa iyon at isabuhay nang lubos dahil sa gawain at mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Lalo kong natiyak doon na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan, na nililinis at binabago ng mga ito ang tao, at gusto ko talagang maging isang matapat na tao. Pero ang mga pilosopiya ni Satanas sa pamumuhay ay nakatanim sa akin noon pa man, naging sarili kong mga panuntunan para mabuhay. Sa pakikisalamuha ko sa aking mga kapatid, hindi ko namamalayan, na umaasa pa rin ako sa mga satanikong pilosopiyang iyon. Natatakot akong magsabi at magsalita mula sa puso, natatakot na makasakit ng tao o masira ang reputasyon ko. Patuloy akong naging maingat upang protektahan ang mga relasyon ko sa kanila at pakiramdam ko’y napakahirap maging tapat. At para linisin at baguhin ako, maingat na isinaayos ng Diyos ang tamang kapaligiran para ihayag ang aking katiwalian at mga pagkukulang, inaakay ako papunta sa realidad ng pagiging isang tapat na tao.

Kalaunan, nag-umpisa akong gumawa bilang pinuno ng grupo kasama si Brother Li. Maganda ang aming samahan at tinutulungan niya ako sa maraming bagay. Ngunit sa aming tungkulin, nalaman ko na siya ay mapagmataas, makasarili, at hindi umaayon sa mga prinsipyo. Tuwing may gusto akong sabihin, ibubuka ko na ang aking bibig, tapos ay lulunukin ko lang din ang aking mga salita. Naisip ko, “kapag pinuna ko siya, sasabihin niyang wala akong konsensiya, na naging mabait siya sa akin pero lagi kong sinisita ang mga problema niya. Paano kung maging laban siya sa akin, at hindi na kami magkasundo sa aming tungkulin?” hindi ko ito kailanman binanggit sa kanya, para maprotektahan ko ang samahan namin. Kalaunan ay lubhang naapektuhan ni Brother Li ang gawain ng iglesia dahil siya’y mapagmataas at pinabayaan niya ang kanyang mga tungkulin, at siya’y pinalitan. Sa kabila nito, hindi ko pa rin pinagnilayan ang aking sarili. Pero isang araw nung pumunta ako sa bahay ni Brother Li para sa isang bagay, may sinabi ang asawa niya sa akin, “May kinalaman ka sa pagkakatanggal ng asawa ko. Kung nabigyan mo siya ng babala at tinulungan mo siya, maaaring hindi naging matigas ang kanyang ulo at naging pabaya sa kanyang tungkulin. At napinsala ang gawain ng iglesia. Bakit hindi mo kayang itaguyod ang gawain sa iglesia? Nagpapalugod ka ng tao, hindi mo isinasagawa ang katotohanan!” Ang marinig ito sa kanya ay nakakapanlumo para sa akin, at nakaramdamam ako ng labis na kahihiyan. Pagkaalis ko, hindi ko mapigilan ang mga luha. Nanalangin ako sa Diyos sa aking paghihirap, na sinasabing, “Oh Diyos ko, hinayaan Mo ang sister na ito na pakitunguhan at pangaralan ako ngayon, pero hindi ko tunay na kilala ang sarili ko. Pakiusap, liwanagan at gabayan Mo ako.” Dahan-dahan akong huminahon pagkatapos ng aking panalangin at nag-umpisa kong isipin ang mga panahong nakatrabaho ko si Brother Li. Nakita kong namumuhay ako sa mga pilosopiya ni Satanas para mabuhay. Malinaw kong nakita na sumasalungat siya sa mga prinsipyo pero hindi ko siya pinigilan o tinulungan. Natakot akong masaktan ang damdamin niya at masira ang aming relasyon sa trabaho. May pananagutan ako na hindi ko matatakasan sa pagkahantong ni Brother Li sa puntong iyon. Lalo akong nakonsensya at nagsisi.

Maya-maya’y binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pag-aayos at pagpapaganda para sa lahat ng iyong nakakasalubong, at pagpapagaan sa pakiramdam ng lahat. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Kinabibilangan ito ng pagtrato sa Diyos, sa ibang tao, at sa mga pangyayari nang may isang tunay na puso, pagkakaroon ng kakayahang umako ng pananagutan, at paggawa ng lahat ng ito sa paraang maliwanag para makita at maramdaman ng lahat. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at kinikilala sila bawat isa. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, sinasabing hindi sila kailanman nakagawa ng anumang masama, nakapagnakaw ng mga pag-aari ng iba, o nakapaghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Umaabot pa sila sa puntong pinahihintulutan nila ang iba na makinabang sa kanilang sariling kapinsalaan kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipiling dumanas ng pagkatalo, at hindi sila nagsasabi ng anumang masama tungkol sa sinuman para lamang isipin ng lahat na mabubuti silang tao. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa bahay ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng bahay ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang mga sarili nilang kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang kapakanan. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Hindi ito isang halimbawa ng mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong tao; kailangan ninyong makita ang kanyang ipinamumuhay, ang kanyang ipinapakita, at ang kanyang saloobin kapag ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, pati na ang kalagayang panloob niya at ang kanyang minamahal. Kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa kanyang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa mga interes ng Diyos, o kung ang kanyang pagmamahal sa sarili niyang katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita niya para sa Diyos, hindi siya isang taong may pagkatao. Nakikita ng iba at ng Diyos ang kanyang paggawi; samakatuwid, napakahirap para sa gayong tao na matamo ang katotohanan(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pagiging mabuting tao ay hindi pagkukunwaring mabait. Hindi ito pakikisama nang mayos sa mga tao o pagkuha sa kanilang pagsang-ayon. Ito’y pagtuon ng iyong puso sa Diyos, pagiging tapat, pagsasagawa ng katotohanan para itaguyod ang gawain ng bahay ng Diyos, pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, at pagtulong at espirituwal na pagsuporta sa mga tao sa kanilang mga buhay. Pero kahit na nakita kong naging matigas ang ulo ni Brother Li at maraming beses siyang lumabag sa katotohanan, at naging napakamapagmataas at hindi tumatanggap ng mga mungkahi ng ibang tao, kahit na alam kong parehong masama ito para sa kanya at sa bahay ng Diyos, sumunod pa rin ako sa satanikong pilosopiya ng “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Nagbulag-bulagan ako. Hindi ko siya tinulungan o binanggit ito sa isang pinuno ng iglesia. Nanood lang ako habang napipinsala ang gawain ng iglesia. Hindi ko kayang basta isakripisyo ang reputasyon ko para isagawa ang katotohanan at maging responsable. Napakamakasarili ko, kasuklam-suklam, at mapanlinlang! Hindi ba’t kinukunsinti ko ang kasalanan niya? Hindi ba’t pumapanig ako kay Satanas? Ako’y naging kasuklam-suklam, makasariling tao dahil sa takot kong makasakit ng damdamin ng sinuman. Wala akong diwa ng katuwiran! Talagang hindi ako mabuting tao. Sa paghahangad kong maging isang mabuting tao, naging tagapagpalugod ako ng tao at mapanlilang na tao na kinamumuhian ng Diyos. Sa labas, ayos lang na maging ganoon, ngunit sa bahay ng Diyos, ikinamumuhi Niya iyon. Tapos ay napagtanto ko na ang hindi pagsasagawa ng katotohanan, pero pagiging mabuti para protektahan ang mga relasyon ay nakapagpapahamak talaga sa tao. Sa unang pagkakataon, nayanig ang pananaw ko sa pagiging mabuting tao. Nakita ko na maling-mali ang pagsunod ko sa mga satanikong pilosopiya sa aking mga relasyon, at ang mapakitunguhan sa ngayon ay nag-iwan ng malalim na marka sa akin na hindi ko malilimutan. Pakiramdam ko’y may nilabag ang kapatid ko, ngunit ang naiwan sa akin ay isang walang hanggang utang. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nagkamit ako ng pag-unawa sa mali kong paghahanap sa loob ng maraming taon at ayoko nang mabuhay nang ganoon. Naging handa akong maging tapat, matuwid na tao na kinakailangan ng Diyos. Nagkaroon ako ng pagnanasa na magsikap na maging isang tapat na tao, pero dahil masyadong malalim ang aking katiwalian at satanikong disposisyon at hindi ko lubos na naintindihan at kinamuhian ang aking likas at diwa bilang isang tapagpalugod ng tao, hindi ako tunay na nagbago. Hindi nagtagal, bumalik ako sa mga dati kong gawain.

Ang asawa ni Sister Zhang mula sa kalapit na barangay ay talagang isang masamang sanggano na humahadlang sa kanyang pananampalataya. Tuwing makikita niyang paalis siya para sa isang pagtitipon magsisimula siya ng gulo sa ibang mga kapatid para hindi sila matahimik. Isang beses, nang siya ay umalis para sa isang pagtitipon, kinuha ng asawa niya ang kahoy na gagamitin ng isang brother upang magtayo ng isang bahay at sinunog iyong lahat. Sinabi sa kanya ng pinuno ng iglesia, “Huwag ka nang pumunta sa mga pagtitipon—kailangan nating panatilihing ligtas ang lahat. Gawin mo na lang ang iyong mga debosyonal at basahin ang mga salita ng Diyos sa iyong bahay.” Pero kalaunan, talagang gusto na niyang dumalo sa mga pagtitipon at hindi na niya napigilang pumunta sa aming nayon para makipagkita kay Sister Wang. Hindi alam ang gagawin, kinausap ako ni Sister Wang. Alam na alam kong kailangang unahin ang kapakanan ng iglesia, at dapat nang umuwi si Sister Zhang. Pero naisip ko, “hindi ako isang pinuno ng iglesia. Anong iisipin ng iba kung maling hakbang ito? Isa pa, kapag nalaman ni Sister Zhang na pinigilan ko siya sa pagdalo sa pagtitipon, anong iisipin niya sa akin?” Sa isiping ito, nagpaliguy-ligoy ako, sinasabing, “Talagang kailangan mong makipag-usap sa isang pinuno ng iglesia tungkol dito. Puntahan mo ang isa sa kanila.” Sa huli’y walang siyang nahanap ni isa, kaya’t hinayaan niyang manatili si Sister Zhang.

Noong sumunod na gabi, habang nasa bahay ako’t ginagawa ang aking mga debosyonal at nakikinig sa mga himno ng mga salita ng Diyos, bigla kong narinig na may malakas na kumakatok sa pinto. Nang buksan ng anak ko ang pinto, tatlo o apat na malalaking lalaking may dalang mga kahoy na pamalo ang pumasok at apat o lima pa ang lumundag mula sa aming bubong. Dinaganan nila ako sa kama nang walang sabi-sabi at walang-awa akong binugbog. Talagang takot na takot ako. Walang tigil akong nanalangin at tumawag sa Diyos. At kung kailan talagang lumalala na ang sakit nabali ang kama at bumagsak ako sa sahig. Inakala ng mga maton na iyon na lubha akong nasaktan at tumakbo sila sa takot. Akala ko matapos mabugbog nang ganoon ay siguradong may mga nabali akong buto, pero nagulat ako na mabababaw na sugat lang ang mga ito at walang pinsala sa mga buto. Alam kong iyon ay pag-aalaga at proteksyon ng Diyos. Makaraan ang isang araw, nalaman ko na alam ng asawa ni Sister Zhang na siya ay aalis para sa isang pagtitipon at inakala niyang ako ang nag-ayos nito, kaya’t inutusan niya ang mga lalaking iyon na bugbugin ako. Napagtanto ko na nangyari iyon dahil hindi ako sumunod sa mga prinsipyo. Kung sumunod ako, at pinigilan ko si Sister Zhang na dumalo sa pagtitipon na iyon, hindi na sana humantong sa ganito. Ang magulpi ng mga sangganong iyon ay dahil lahat sa pagiging makasarili at kasuklam-suklam ko. Sariling mga interes ko lang ang inisip ko at isa akong “mabuting tao” na hindi nagsasagawa ng katotohanan. Ako ang nagdala nito sa sarili ko.

Kalauna’y lumapit ako sa Diyos sa paghahanap at pagninilay: Bakit hindi ko mapigilang protektahan ang sarili kong mga interes at pagiging tapagpalugod ng mga tao? Bakit hindi ko maisagawa ito gayong alam ko ang katotohanan? Isang beses, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakaaninag sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nalaman ko ang ugat ng problema habang pinag-iisipan ko ito. Palagi akong nagpapalugod ng mga taong hindi kayang isagawa ang katotohanan dahil puno ako ng mga pilosopiya at lason ni Satanas: “Ang pag-iingat ay mas matimbang kaysa sa mahusay na pananalita, at madalas magkamali yaong panay ang salita,” “Kapag alam mong may mali, tumahimik ka na lang,” “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Tinanggap ko ang mga salitang ito bilang batayan sa buhay, bilang mga panuntunan sa pag-uugali ko at ginawa ko lahat ng makakaya ko para maging mabuting tao batay sa mga bagay na ito. Sa lahat ng aking mga pakikisalamuha, wala akong ibang inisip kundi ang huwag makasakit ng tao, paano ko sila magagawang purihin at tingalain ako. Naperpekto ko ang tuso at mapanlinlang na mga pilosopiya ni Satanas at naging mga bagay na karaniwan kong ibinubunyag. Kahit na mukha akong mabuting tao sa mundo at pinupuri ako bilang isang mabuting tao, malayong-malayo ito sa pagiging isang tunay na mabuting tao. Ano bang napapala ko sa pamumuhay nang ayon sa mga lason na ito ni Satanas? Nawala sa akin ang kamusmusang mayroon dapat ang isang bata noong ako’y maliit pa at nagpakitang-tao ako sa lahat. Masyado akong maingat at palaging nagmamasid sa iba sa tuwing ako ay magsasalita at kikilos Lagi akong nakabantay sa lahat. Kahit kailan ay hindi ako nagsabi at nagsalita mula sa puso kanino man. Mapanlinlang ako kahit sa sarili kong pamilya. Maraming beses kong nilabanan ang sarili kong konsyensiya at ipinagbili ang sarili kong dignidad at integridad, dahil takot akong makasakit ng iba. Hindi ako nangahas kailanman na ipaglaban kung ano ang tama at ikinumpromiso ko ang aking integridad para lamang protektahan ang imahe ko. Pinilit kong ngumiti kahit ako ay galit. Hindi lang ako pinigilan ng mga bagay na ito na magsakabuhayan ng isang normal na pagkatao, nguni’t ako pa ay makasarili, kasuklam-suklam, mapanlinlang, at hindi alam ang mabuti sa masama. Ang pamumuhay sa mga satanikong pilosopiyang ito ay nag-ani nga sa akin ng papuri mula sa ibang tao sa sandaling ito, pero para akong tinatalian ng hindi nakikitang mga tanikala, sobrang higpit na nakagapos. Hindi ako makapagsalita o makakilos nang malaya. Wala akong anumang kalayaan, at ako’y talagang nalulumbay at nasasaktan. Ngayon, nakikita ko na ang pagiging tagapagpalugod ng tao na dati kong pinagsusumikapan ay hindi talaga pagiging isang mabuting tao, sa halip ay naging tuso ako, isang taong may maitim na budhi na hindi hinahanap ang katotohanan. Kinakalaban at tinatraydor ko ang Diyos. Hindi ako maliligtas nang wala ang paghatol at paglilinis ng Diyos. Napagtanto ko na pinayagan ng Diyos na bugbugin ako ng mga sangganong iyon. Binibigyan Niya ako ng babala para dumulog ako sa Diyos at pagnilayan ang aking sarili, alamin ang diwa at mga kahihinatnan ng pagiging tagapagpalugod ng tao, at magsisi.

Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang likas at diwa ng pagiging tagapagpalugod pati na ang mga panganib at kahihinatnan nito. Nanalangin ako sa Diyos, handa na talagang hanapin ang katotohanan, lumaya sa mga tanikala ng mga pilosopiya ni Satanas, at maging tapat ayon sa mga salita ng Diyos. Minsan, nalaman kong inilipat sa ibang iglesia si Sister Lin at napili bilang isang diakono. Alam kong isa talaga siyang mapanlinlang na tao at noon pa’y tuso na siya sa kanyang gawain sa iglesia, iba ang sinasabi sa kanyang ginagawa. Alam ko na di dapat maging diakono ng iglesia ang taong ganoon ka-mapanlinlang at dapat kong itaguyod ang gawain ng iglesia. Napagpasyahan kong sumulat sa pinuno ng iglesiang iyon, ipinapaliwanag ang sitwasyon. Pero nag-atubili ako habang kinukuha ko ang panulat, iniisip na, “Ito’y isang paksang para sa kanilang iglesia. Sasabihin kaya ng pinuno na sumosobra ako, na nanghihimasok ako?” Tapos ay naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba talaga ang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong mo sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Makakapagsagawa ka ba ng katuwiran para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumaganap sa Aking kalooban?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Bawa’t isa sa mga salita ng Diyos ay nangusap sa aking puso at naramdaman ko agad ang kalooban Niya, umaasang isasagawa ng mga tao ang katotohanan at itataguyod ang pagkamakatuwiran, mangangahas na “humindi” sa mga pwersa ni Satanas at akuin ang responsibilidad na itaguyod ang gawain ng Diyos. Ayaw Niyang kuwentahin natin ang ating mga pakinabang at kalugihan, kundi pagtuunan natin ang interes ng iglesia. Oras na maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagkaroon ako ng kumpiyansang isagawa ang katotohanan, kaya isinulat ko ang liham na iyon para sa pinuno ng ibang iglesia tungkol kay Sister Lin. Pagkalipas ng ilang araw, sinabi sa akin ng pinuno na siniyasat nila ito at nakumpirmang si Sister Lin ay isang mapanlinlang na tao, kaya’t binago nila ang kanyang tungkulin. Napanatag at nakahinga ako nang makita kong ganoon ang kinahinatnan nito. Natanto kong kamangha-mangha ang pagiging tapat at nakagawa ako ng isang makabuluhang bagay. Kalauna’y sinabi ng mga kapatid sa akin na ang pagsulat ng liham na iyon para protektahan ang mga interes ng iglesia ay nagpakita na ako’y talagang nagbago na, na nagkamit ako ng diwa ng katuwiran. Naantig ako nang marinig ito sa kanila. Alam ko sa puso ko na ang pagsasagawa ng katotohanan, pagkakaroon ng bahagyang pagbabago, ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos para sa aking pagkakaligtas!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...