Matalinong Hakbang ba ang Manahimik sa mga Pagkakamali ng Iba?
Noong Abril 2023, hindi sinasadyang nakita ko ang ebalwasyon sa akin ng lider, na nagsasabing mapagpalugod daw ako ng mga tao, at wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Binanggit doon na nakita ko ang ilang katrabaho na namumuhay nang may mga tiwaling disposisyon na nakaapekto sa kanilang gawain, ngunit hindi ko ito tinukoy o ibinahagi sa kanila; inilahad niyon na hindi ko pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia, at na hindi ganoon kabuti ang aking pagkatao. Pakiramdam ko ay bahagya akong naagrabyado sa nakita kong ebalwasyon ng lider. “Palagi kong nakakasundo ang mga kapareha ko,” naisip ko, “at wala akong ginawang anuman para pahirapan at supilin ang sinuman. Kung minsan ay nagbabahagi ako at tinutukoy ang mga naobserbahang problema ng mga katrabaho ko. Bagama’t hindi perpekto ang pagkatao ko, tiyak namang ito ay karaniwan lang kahit paano. Namuhay sila sa mga tiwaling disposisyon at nabigong makilala ang kanilang mga sarili dahil hindi sila nagsikap para sa katotohanan; paanong naging responsabilidad ko iyon? Paano nasabi ng lider na may mahina akong pagkatao?” Mahirap ilarawan kung gaano kalalim ang sakit na aking naramdaman; para iyong tumapong garapon na may magkakahalong emosyon; hindi ko matukoy kung anong damdamin iyon. Sa kabila ng maraming taon ng pananalig ko sa Diyos, ang naging ebalwasyon ng lider sa patuloy kong paggampan ng tungkulin ay isang mapagpalugod ng mga tao na hindi nagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at may mahinang pagkatao. Sa ganitong sitwasyon, maaari pa kayang mabago ang aking disposisyon? Sa mga araw na iyon, tuwing naaalala ko ang mga salita ng lider, para itong isang kutsilyong tumutusok sa puso ko. Hindi ko mapigil ang pagluha, at nawalan ako ng motibasyong gumawa ng kahit ano. Pero napagtanto ko na marami pa ring isyu sa aking gawain; hindi ba’t ang pagbabalik sa pagiging negatibo sa puntong ito ay magbubunyag pa lalo ng aking kawalan ng pagkatao? Kaya pinilit ko ang aking sarili na gampanan ang tungkulin ko at nanalangin ako sa Diyos, nagpasya akong magpasakop muna sa mga sitwasyong tulad nito na aking hinarap at pagnilayan ang aking sarili upang matuto ng mga aral mula sa mga ito.
Kalaunan, pinag-isipan ko kung bakit sinasabi ng iba na ako ay isang mapagpalugod ng mga tao na hindi nagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Naalala ko ang mga eksena ilang taon na ang nakalilipas noong makipag-ugnayan ako sa ilang katrabaho. Noong 2019, nakapareha ko si Xiaozhen, responsable sa mga gawaing tekstuwal. Noong panahong iyon, nabuhay si Xiaozhen sa isang depensibong kalagayan, nararamdaman ko na seryoso ang kanyang mapagmataas na disposisyon, at kung patuloy niyang gagambalain at guguluhin ang gawain dahil sa kanyang tiwaling disposisyon, walang mabuting kinalabasan at destinasyon para sa kanya. Bilang resulta, napakapasibo niya sa paggawa ng kanyang tungkulin at bihira siyang makilahok sa aming mga talakayan. Alam ko na si Xiaozhen ay nasa depensibong kalagayan at maling pagkaunawa. Mayroon naman talaga siyang ilang kakayahan sa paggawa, at kaya niyang gumampan ng ilang gawain kung nasa normal siyang kalagayan. Nais kong tukuyin ang kanyang mga isyu. Pero naisip ko, dahil nagsisimula pa lamang siya ng pagsasagawa, magmumukha ba akong walang konsiderasyon at mapaghanap kapag tinukoy ko ang mga isyu niya? Kung mayroon siyang mga negatibong kaisipan tungkol sa akin, paano kami magkakasundo sa hinaharap? Kaya, binigyan ko na lamang siya ng simpleng pangaral, “Huwag tayong palaging mamuhay sa ating mga tiwaling disposisyon; dapat ay aktibo at maagap nating pag-aralan ang ating mga propesyonal na kasanayan at magsikap para sa pagpapabuti.” Kalaunan, nang makita kong hindi pa rin gaanong bumuti ang kanyang kalagayan, naisip ko, “Pinaalalahanan na kita, pero kung ayaw mong pumasok, wala akong magagawa.” Kaya, hindi na ako nakipagbahaginan pa. Sa huli, hindi pa rin bumuti ang kalagayan ni Xiaozhen, at tinanggal siya dahil hindi siya epektibo sa kanyang tungkulin. May isa pang kapatid, si Lin Lin, na, nang makita ang kanyang bagong kasamahan, si brother Yang Zhi, na mas bihasa sa propesyon at nakaarok ng ilang prinsipyo, nakaramdam siya ng imperyoridad at naging hindi na gaanong maagap sa kanyang tungkulin. Sa isang pagbabahaginan, ipinahayag niya ang tungkol sa kanyang kalagayan at umiyak pa nga siya. Nakita kong masyado niyang pinahahalagahan ang kanyang reputasyon at katayuan, noong una ay nais kong himayin ang kalikasan at mga epekto ng paghahangad ng mga bagay na ito para sa kanya, pero naisip ko na labis na siyang namimighati, at ang direktang tukuyin ang mga problema niya ay maaaring magpahiya sa kanya at isipin niyang wala akong malasakit. Paano kami magkakasundo sa hinaharap? Kaya, bahagya kong sinabi, “Huwag mong laging pagtuunan ng pansin ang reputasyon at katayuan mo; subukan mong matuto mula sa mga kalakasan ng iba kapag nakikipagtulungan.” Kalaunan, hindi pa rin masyadong nakamit ni Lin Lin ang pagkaunawa sa kalikasan at mga epekto ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ang kanyang kalagayan ay minsang maayos, minsang hindi. Napakapasibo niya sa kanyang tungkulin at tinanggal din siya sa huli.
Ginunita ko ang lahat ng iba’t ibang pagkakataon ng pakikipagtulungan at pakikisalamuha sa ilang sister at pinagnilayan ang aking sarili ayon sa mga salita ng Diyos, nakamit ko ang kaunting pagkaunawa sa aking sariling kalagayan. Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hangarin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at pagnanais lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang katotohanan, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba’t ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay ko sa mga salita ng Diyos, naramdaman ko na tunay ngang sinisiyasat ng Diyos ang kalaliman ng puso ng mga tao at isiniwalat ang kaibuturan ng aking mga layunin. Naalala ko na noong nakikipagtulungan ako sa ilang katrabaho ko, hindi ko talaga natukoy ang kanilang mga problema. Minsan, kahit kapag nagbabahaginan, mga simpleng pangaral lang ang naibibigay ko o pinagagaan lamang ang kanilang mga isyu. Hindi ako nangahas na tukuyin na ang kanilang mga problema ay dahil talaga sa pamumuhay sa mapanlinlang na mga disposisyon, dahil natatakot akong baka masira ang aming relasyon at maging mahirap para sa amin ang magkasundo sa hinaharap kapag ginawa ko ito. Halimbawa, noong nakapareha ko sina Xiaozhen at Lin Lin, napansin ko na palaging iniisip ni Xiaozhen ang tungkol sa kanyang oportunidad at kapalaran, at hindi niya magawang ilaan ang kanyang sarili sa tungkulin niya, habang si Lin Lin ay abala sa kanyang reputasyon at katayuan, at wala siyang kagustuhan na gampanan ang kanyang tungkulin. Napansin ko na ang mga isyu nila, ngunit kung isasaalang-alang na araw-araw kaming magkakasama, mula umaga hanggang gabi, at palagi kaming nagkikita, hindi ba’t ang pagtukoy sa mga problema nila, ay magpapaisip sa kanila na wala akong pakialam, sobrang bagsik, at walang malasakit sa kanilang mga paghihirap, na magdudulot sa kanila ng pagkakaroon ng pagtatangi laban sa akin? Dahil sa pag-aalala na baka mahirapan kaming magkasundo sa hinaharap, hindi ko binigyang-diin ang kalikasan at mga epekto ng kanilang mga problema. Sa katunayan, normal lamang na tukuyin ng iba ang mga problema ng isang tao. Ang mga tunay na tumatanggap sa katotohanan ay magninilay sa kanilang sarili batay sa mga ganitong pagwawasto, kikilalanin ang kanilang mga isyu, at magkakaroon ng pagsisisi at magbabago—ito ay tunay na makatutulong sa kanila. Ngunit namumuhay ako sa isang mapanlinlang na disposisyon, at noong napansin ko ang mga isyu sa kanilang mga tungkulin na nakaapekto sa gawain ng iglesia, ang ginawa ko lamang ay mabilis na banggitin ito. Nang sa huli ay tinanggal sila, naisip ko pa nga, nang malinis ang konsensiya, na dulot ito ng kanilang sariling kawalan ng paghahangad at pagsusumikap para sa katotohanan, at hindi ko man lang pinagnilayan ang sarili kong mga problema—talaga ngang sobrang makasarili at mapanlinlang ako!
Pagkatapos, nagpatuloy akong pagnilayan ang aking sarili. Bakit palagi akong nagsasalita nang mahinahon tungkol sa mga problemang nakita ko sa mga katrabaho ko at hindi ko direktang maisiwalat ang kanilang mga isyu? Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang maayos na samahan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni sinasabi ang anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8). Malinaw na ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pakikipagsamahan at pakikipag-ugnayan ko sa iba ay nakatali sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” at “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Naniwala ako na kapag nakikipag-ugnayan sa iba, dapat kong matutuhang protektahan ang sarili ko; naniwala rin ako na ang pagsisiwalat ng mga problema ng iba ay nakasasakit ng damdamin nila at madaling magdulot sa kanila ng pagkakaroon ng pagkiling laban sa akin, na magreresulta ng hindi magandang relasyon sa kanila at inilalagay ko ang sarili ko sa isang mahirap na sitwasyon. Dahil dito, hindi ako nangahas na isiwalat ang mga isyu ng iba. Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ko na mula pa sa aking pagkabata, nabubuhay na ako ayon sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo, hindi ko kailanman direktang tinukoy ang mga problemang nakita ko sa iba, dahil sa takot na sumama ang loob nila. Magmumukhang sa mababaw ay may mabuti akong pakikitungo sa mga tao, pinapanatili ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Sa panlabas ay hindi naman nakasasakit ng damdamin ang ganitong pakikipag-ugnayan ko sa iba, pero napigil nito ang tunay na komunikasyon sa iba at lumikha ng isang uri ng patuloy na hadlang sa pagitan namin. Bilang resulta, wala akong tunay na mga mapagkatiwalaan. Sa iglesia, ipinagpatuloy ko ang aking pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito. Noong nakipagtulungan ako kina Xiaozhen at Lin Lin, nakita ko na namumuhay sila sa mga tiwaling disposisyon at wala silang pagpapahalaga sa kanilang mga tungkulin. Nangamba ako na makasasakit sa kanilang damdamin ang pagtukoy sa kanilang mga problema at magmumukha akong walang malasakit, kaya nanahimik na lamang ako tungkol sa aking mga pananaw, hinayaan silang mamuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at ipagpaliban ang kanilang mga tungkulin, sa huli ay nauwi ito sa kanilang pagkatanggal. Dati ay tinitingnan ko ang mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo tulad ng “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” at “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” bilang mga positibong bagay, iniisip na sa ganitong paraan, maiiwasan kong magkaroon ng kaaway, at na ito ay isang matalinong hakbang. Ngayon ko lamang napagtanto na ang pamumuhay nang ayon sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo, kahit na magmukhang hindi ako nakasasakit ng sinuman at napapanatili ko ang magandang relasyon sa mga katrabaho ko, naging sobrang makasarili at mapanlinlang ako, at ang mga pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan ko sa iba ay naging malamig na at hindi naghatid ng anumang pakinabang sa kanilang buhay pagpasok, bukod pa sa pagdudulot ng pinsala sa gawain ng iglesia. Nakikita ko na ang pamumuhay nang ayon sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo ay hindi lamang nakasasama sa iba at sa aking sarili, kundi higit sa lahat ay nakasisira sa gawain ng iglesia, napagtanto ko na tunay ngang hindi ito ang magandang landas para tahakin.
Kalaunan, nagpatuloy akong magnilay-nilay at napagtanto ko na may isa pang maling pananaw sa loob ko nang subukan kong maging mapagpalugod ng mga tao. Inakala ko na ang pagkatanggal ng ilang katrabaho ko ay dahil sa kanilang sariling kawalan ng paghahangad sa katotohanan at wala itong kinalaman sa akin, kaya hindi ako nagsisi sa sarili ko nang matanggal sila. Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang pakikipagtulungan? Kailangang magawa ninyong makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa, at maipahayag ang inyong mga pananaw at opinyon; dapat punan at pangasiwaan ninyo ang isa’t isa, at maghanap sa isa’t isa, magtanong sa isa’t isa, at udyukan ang isa’t isa. Iyon ang pakikipagtulungan nang maayos. Sabihin, halimbawa, na inasikaso mo ang isang bagay ayon sa sarili mong kalooban, at may nagsabi, ‘Mali ang ginawa mo, ganap na labag sa mga prinsipyo. Bakit mo ito inasikaso kung paano mo gusto, nang hindi hinahanap ang katotohanan?’ Dito, sasabihin mo, ‘Tama iyan—natutuwa akong inalerto mo ako! Kung hindi, puwedeng magdulot ito ng kapahamakan!’ Iyan ang pag-uudyok sa isa’t isa. Ano, kung gayon, ang pangangasiwa sa isa’t isa? Ang bawat isa ay may tiwaling disposisyon, at puwedeng maging pabasta-basta sa paggawa ng kanilang tungkulin, pinangangalagaan lamang ang sarili nilang katayuan at karangalan, hindi ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga kalagayan ay naroroon sa bawat tao. Kung nalaman mong may problema ang isang tao, dapat magkaroon ka ng pagkukusang makipagbahaginan sa kanila, paalalahanan sila na gawin ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, habang hinahayaan itong tumayo bilang isang babala sa iyong sarili. Iyon ay pangangasiwa sa isa’t isa. Ano ang tungkulin ng pangangasiwa sa isa’t isa? Nilalayon nitong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iiwas din ang mga tao sa maling landas” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na nagtatalaga ng maraming tao ang iglesia para magtulungan upang mapunan ang mga kalakasan at mga kahinaan ng isa’t isa, at upang magpaalalahanan at magsuperbisa sa bawat isa. Lalo na kapag nakikita mong may isang tao na namumuhay sa maling kalagayan na nakaaapekto sa gawain, dapat natin siyang paalalahanan, tulungan, o kahit pungusan upang pigilan siyang tahakin ang maling landas na maaaring magdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Ang paggawa nito ay upang protektahan din ang mga interes ng iglesia at ito ay ang responsabilidad natin. Noong nakapareha ko ang ilang sister at makita silang namumuhay sa mga tiwaling disposisyon na nakaapekto sa kanilang gawain, dapat ay nagkusa ako na magbigay ng pagbabahagi at pagtulong sa kanila, at kung kailangan, dapat ay isiniwalat at pinungusan ko sila. Kung sila ay mga taong tumatanggap sa katotohanan, kung gayon, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan at pagsisiwalat, maaaring nakilala nila ang sarili nilang mga problema, nagbago ng landas sa tamang panahon, at naiwasan nilang magdusa ng kawalan sa kanilang buhay. Pagkatapos nilang baguhin ang kanilang kalagayan, maaaring nagawa nila nang mas mabuti ang kanilang mga tungkulin. Kung hindi nila tinanggap ang katotohanan, malinis ang aking konsensiya dahil natupad ko ang aking responsabilidad sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan at pagtulong sa kanila. Kalaunan, nalaman ko na pagkatapos matanggal, sina Xiaozhen at Lin Lin ay nagnilay at napagtanto ang kanilang mga problema at kalaunan ay nagpatuloy sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ipinakita nito na hindi sila mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, kundi namumuhay lamang sa isang tiwaling kalagayan at tumatahak sa maling landas sa loob ng isang yugto ng panahon. Ngunit nanatili lamang ako sa isang tabi at pinanood silang nakagapos sa mga tiwaling disposisyon, na nakaaapekto sa gawain ng iglesia nang hindi man lamang sila inalok ng pagbabahaginan at pagtulong. Talaga ngang naging napakairesponsable ko!
Inakala ko dati na kaya kong makisalamuha nang maayos sa iba at wala akong ginawang anumang hantad na bagay para supilin o parusahan ang mga tao, kaya naniwala akong medyo mabuti ang pagkatao ko. Ngunit pagkatapos kong ikumpara ang aking sarili sa mga salita ng Diyos, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pagiging matatas at wais sa lahat ng iyong nakakasalamuha, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang magawang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay ang pagharap sa tungkulin at sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at mga bagay nang may mga prinsipyo at pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ay malinaw na nakikita ng lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayumpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga interes. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang isang tao na totoong may mabuting pagkatao ay may tapat na puso para sa Diyos, mapagmahal sa mga kapatid, nakikipagtulungan sa iba ayon sa mga prinsipyo, naninindigan at kapag nakikita niyang may isang tao na nanggagambala o nakaaapekto sa gawain ng iglesia, maaari siyang manindigan para isiwalat ito at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, upang mapanatili ang mga relasyon ko sa mga tao, nakita ko ang ibang namumuhay ayon sa tiwaling mga disposisyon at tumatahak ng maling landas, ngunit hindi ako nakipagbahaginan para tulungan sila, na nagdulot ng ilang kawalan sa gawain. Ngayon ko lang nakita nang malinaw na hindi talaga mabuti ang aking pagkatao, at sinserong tinanggap ko ang ebalwasyon ng lider tungkol sa akin.
Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay ng landas ng pagsasagawa upang malutas ang isyu ng pagiging mapagpalugod ng mga tao. Sabi ng Diyos: “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tuwing may ganito akong pag-iisip at layunin na maging mapagpalugod ng mga tao, kailangan kong manalangin sa Diyos nang higit pa, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas upang maghimagsik laban sa aking sarili. Sa halip na panatilihin ang mga relasyon ko sa iba, dapat isagawa ko ang katotohanan, sumunod sa mga prinsipyo, at maging isang tao na nagtataguyod sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, unti-unti akong makapapasok sa katotohanang realidad ng aspektong ito.
Kalaunan, naitalaga akong mangasiwa sa gawain sa ibang iglesia. Ilang araw pagkadating ko, napansin kong araw-araw ay abalang-abala sa iba’t ibang gawain ang mga kapatid na nakikipagtulungan sa akin, at sa sobrang abala nila kung minsan ay hindi na sila nakikipagbahaginan. Hindi normal ang kanilang buhay iglesia. Naisip ko, “Ang pangunahing responsabilidad ng pagiging isang lider at isang manggagawa ay ang tiyakin ang maayos na buhay iglesia, pangunahan ang mga kapatid upang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at maunawaan ang mga ito upang makapasok sa katotohanang realidad. Ngunit kung ang bawat isa ay abala sa gawain araw-araw at hindi nakatuon sa kanilang sariling buhay pagpasok, paano nila magagabayan ang mga kapatid na mamuhay ng isang maayos na buhay iglesia?” Gusto ko talagang tukuyin ang problemang ito sa lahat, ngunit nag-atubili ako, “Kadarating ko lang dito, at kung tutukuyin ko ang isyung ito ngayon, baka magmukhang gusto kong ipakita kung gaano ako kasigasig sa paghahangad sa katotohanan. Higit pa rito, marami pang gawain na kailangang asikasuhin araw-araw, na isang tunay na isyu. Kung babanggitin ko ito ngayon, iisipin ba nila na wala akong konsiderasyon at naghahanap lamang ng mali, sa gayon ay magkakaroon sila ng masamang impresyon sa akin? Magiging mahirap talaga ang pagtutulungan at pakikipag-ugnayan namin sa hinaharap!” Nang maisip ko ito, hindi na ako nakapagsalita, ngunit ang hindi pagsasalita ay nagdulot din sa akin ng pakiramdam ng paninisi sa sarili. Naramdaman ko na kahit abala kami araw-araw, sa tamang pagpaplano, maaari pa rin kaming makahanap ng oras para magtipon. Lalo pa, bilang mga lider at manggagawa, kung hindi natin bibigyan ng pansin ang pamumuhay ng buhay iglesia at hindi tayo nagsusumikap para sa katotohanan, madali tayong maliligaw. Hindi ko na maaaring ipagpatuloy ang pagpapanatili ng mga relasyon sa iba gaya ng dati, nabibigong tukuyin ang mga problemang natuklasan ko. Makasasama ito sa iba at sa aking sarili, at magdudulot din ng pagkaantala sa gawain ng iglesia. Pagkatapos, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Iniisip ito, sa harap ng lahat ay tinukoy ko ang mga problemang napansin ko at nakipagbahaginan ako tungkol sa mga bunga ng hindi pagtutuon sa pamumuhay ng buhay iglesia. Ilang katrabaho ang nagsabi rin na hindi nila nabibigyan ng pansin ang pamumuhay ng buhay iglesia kamakailan. Bagama’t abala sila araw-araw, hungkag ang nararamdaman nila sa kanilang kalooban at hindi nila makita ang kanilang sariling kalagayan o ang mga isyu sa kanilang gawain. Handa silang baguhin ito. Pagkatapos nito, makatwiran kaming nagplano ng oras namin, nagtipon kami nang regular para magbahaginan, magnilay sa aming mga sariling kalagayan batay sa mga salita ng Diyos, at agad na nagbahaginan at nagbuod ng anumang mga isyu o paglihis sa aming gawain. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, nagkamit ng ilang pakinabang ang bawat isa. Hindi lamang kami nagkamit ng pagkilatis sa aming sariling tiwaling mga disposisyon at nakalilinlang na mga pananaw sa mga bagay, kundi mas malinaw rin naming nakita ang mga problema at paglihis sa aming gawain.
Matapos pagdaanan ang karanasang ito, nagkamit ako ng isang tamang pagkaunawa tungkol sa kahulugan ng mabuting pagkatao. Ang mabuting pagkatao ay hindi lamang pagpapakita ng hindi pakikipag-away, pakikipagtalo, pagsupil, o pagpapahirap sa iba. Ang tunay na mabuting pagkatao ay kinapapalooban ng kakayahang tukuyin at makipagbahaginan tungkol sa mga problemang nakikita ng isang tao sa iba, tinutulungan ang mga tao sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at sa kanilang buhay pagpasok, naninindigan laban sa mga bagay na kanilang nakikita na hindi ayon sa katotohanan, itinataguyod ang mga prinsipyo upang tukuyin ang mga ito at protektahan ang gawain ng iglesia. Samantala, mas malinaw ko ring nakita ang kalikasan at kahihinatnan ng pagiging mapagpalugod sa mga tao, at nagagawa kong sadyang maghimagsik laban sa sarili ko at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ang maliit na pagbabagong ito at pang-unawa na aking nakamit ay dulot ng pagliligtas ng Diyos. Salamat sa Diyos!