Ang Pagiging Mabait Ba ay Nangangahulugan ng Pagkakaroon ng Mabuting Pagkatao?

Pebrero 1, 2025

Ni Wang Yin, Tsina

Noong 2016, pinagpareha kami ni Sister Ding Rui para pangasiwaan ang gawain ng ilang iglesia. Hindi nagtagal, pinapunta ng isang nakatataas na lider si Ding Rui sa isang iglesia para asikasuhin ang isang liham ng ulat doon. Gayumpaman, bumalik siya kaagad. Iniisip ko noon na kumplikado ang problema roon. Bumalik siya pagkatapos ng sandaling panahon—nalutas ba niya ang problema? Hindi ako nagulat nang hindi nagtagal ay isang sulat ang dumating para kay Ding Rui mula sa nakatataas na lider at sinabi nitong hindi pa niya lubusang nalutas ang problema at kailangan itong tingnan ulit ng ibang tao. Sinabihan ng lider si Ding Rui na gumawa ng tunay na pagninilay sa sarili at matuto ng aral mula roon. Medyo nalungkot si Ding Rui pagkatapos basahin iyon, at sinabi niyang, “Hindi ko maiayos ang mga totoong problema sa aking tungkulin at naantala ko ang gawain ng iglesia.” Medyo alam ko ang tungkol sa nasa liham ng ulat na iyon, at isa itong medyo kumplikadong problema. Sangkot dito ang maraming tao at mangangailangan ng pagbabahaginan sa maraming bagay. Kailangang kausapin nang isa-isa ang mga kasangkot, kaya hindi ito ganap na magagawa nang mabilisan. Inisip ko kung masyadong nagmadali si Ding Rui na tapusin ang mga bagay-bagay. Naisip kong sabihin ito sa kanya, at tulungan siyang magnilay at kilalanin ang kanyang sarili. Pero naisip ko na malungkot na siya, at kung sasabihin ko pa ang mga problema niya, baka makaramdam siya ng pagkapahiya at lalo siyang maging negatibo. At paano kung pagkatapos ay sabihin niyang wala akong pakikiramay, at lumayo siya at magkaroon ng pagkiling laban sa akin? Bago pa lang kaming magkapareha, kaya mahirap magkasundo kung magkaroon ng tensyon ang mga bagay sa pagitan namin. Sa panahong gaya niyon, kung magsasabi ako ng ilang nakagiginhawa at nakahihikayat na mga bagay, mararamdaman niyang maunawain ako at madaling pakisamahan. Kaya inalo ko siya at sinabing, “Napakanormal lang sa atin ang magkamali at mabigo minsan sa ating gawain. Huwag mong masyadong pahirapan ang sarili mo. Noong bago pa lang ako sa pangangasiwa ng mga liham ng ulat, mas malala ang mga kabiguan ko kaysa sa iyo.” Pagkatapos sinabi ko sa kanya ang tungkol sa aking mga karanasan sa pagkabigo sa aking gawain. Kaagad na nawala ang pag-aalala sa kanyang mukha, at masaya niyang sinabing, “Nag-alala ako kung ano ang iisipin mo sa akin. Hindi ko akalaing malambing na tao ka pala.” Natuwa talaga ako sa sarili ko nang marinig ko ang kanyang sinabi. Pakiramdam ko, mayroon akong mabuting pagkatao at maunawain ako. Isang beses, sinabi sa akin ni Ding Rui kung paanong siya at ang isang kapatid ay hindi makagawa nang maayos nang magkasama. Palagi niyang ikinukuwento ang mga problema ng kapatid na iyon, at parang galit na galit siya kapag ikinukuwento niya ang tungkol dito. Napansin kong medyo makitid ang kanyang pag-iisip at wala siyang kamalayan sa sarili. Naalala ko noong narinig ko ang sinabi ng lider noon tungkol sa hindi nila pagkakasundo. May mapagmataas na disposisyon iyong isang kapatid, pero hilig ni Ding Rui na pansinin ang bawat maliit na pagkakamali, at kapag may mga bagay na dumarating, hindi niya tinatanggap na mula sa Diyos ang mga iyon. Sisimangot siya at hindi papansinin kung sinumang nakatapak sa kanyang dangal. Hindi niya tinalakay ang gawain kasama sila at inilabas ang galit niya sa pamamagitan nito, na nagpaantala sa pag-usad nito. Nagbahagi ang lider sa kanya, pero hindi siya nagnilay sa sarili o natuto ng anuman tungkol sa kanyang sarili. May ilang problema iyong isang kapatid, pero mas malala ang mga problema ni Ding Rui. Gusto kong sabihin ang kanyang mga problema, pero naisip ko, “Kung sasabihin ko ito nang walang pagpipigil sa mga salita, sasabihin ba niyang tinatrato ko siya nang hindi patas? Kung gayon, hindi ba mawawala ko ang magandang impresyon niya sa akin?” Kaya sinang-ayunan ko siya at sinabing, “May mga problema rin sa ilang bahagi ang kapatid na nakapareha mo.”

Kalaunan, binago ang tungkulin ni Ding Rui, at nagkaroon siya ng ibang gawain. Nagkaroon ako ng ibang kapareha. Nang makita niya ako, sinabi niyang, “Nang marinig kong magtatrabaho ako kasama ka, nakaramdam ako ng matinding pressure. Narinig kong may mabuti kang pagkatao at mahusay na nakikipagtulungan sa lahat. Kung hindi matatag ang pagkakapareha natin, ganap akong mabubunyag. Siguradong isa itong problema sa pagkatao ko.” Sa sinabi niyang iyon, sa halip na magnilay sa sarili, binati ko lang ang aking sarili. Nadama ko na talagang mayroon akong mabuting pagkatao. At minsan, nakita ako ng isang kapatid na nakapareha ni Ding Rui at sinabi niyang, “Siya at ako ay hindi makagawa nang maayos nang magkasama, pero lagi niyang sinasabi kung gaano kahusay ang pagtatrabaho ninyo nang magkasama. Siguro, talagang tiwali ako.” Naisip ko hindi iyon matanggap ng kayabangan ni Ding Rui dahil masyadong prangka ang kapatid na iyon, masyado iyong direkta tungkol sa mga problema ni Ding Rui. Habang nakikipag-ugnayan kay Ding Rui, naging mapagparaya at matiyaga ako sa kanyang mga problema at hindi nakipagtalo sa kanya. Maagap kong tinalakay ang anumang isyu sa gawain kasama niya at madalas kong hingin ang kanyang mga mungkahi. Pinigil niyon ang anumang salungatan. Hindi nagtagal, narinig kong sinabi ng lider na medyo mayabang si Ding Rui at hindi tumatanggap ng mga katotohanan—hindi siya kailanman gumawa nang maayos kasama ng iba. Pinaalis siya dahil hindi siya nagbago pagkatapos ng pagbabahaginan at hindi siya epektibo sa kanyang tungkulin. Kalaunan, binanggit ng lider ang aking mga problema, sinabing, “Bilang isang lider, gaano man katindi ang problema ng isang kapatid, kung hindi mo kailanman sasabihin o pupungusan at ilalantad ang mga ito, kundi lagi mong palalayawin ang iyong mga relasyon, pagiging iresponsable iyan sa iyong gawain! Ganoon ka kay Ding Rui dati. Hindi siya makapagtrabaho nang maayos kasama ng iba, pero masaya siyang makatrabaho ka, sinasabing maalalahanin at maunawain ka. Dapat pagnilayan mo ito!” Pagkatapos, sinabi ng isa pang lider, “Positibo ang mga paghusga ng lahat sa iyo nitong nakaraan, sinasabing maunawain at kaaya-aya ka. May lugar para sa iyo sa puso ng bawat tao at hindi sila naghahanap ng mga katotohanan sa mga bagay. Iyan ang problema sa iyo. Sa pagtatrabaho sa ganitong paraan, hindi mo dinadakila ang Diyos at nagpapatotoo sa Kanya.” Nahirapan ako noong una, napaluha, nakaramdam na ginawan ako ng mali, at nagdahilan sa aking puso. Nagsasabi ng magagandang bagay tungkol sa akin ang iba na nangangahulugang may mabuti akong pagkatao at madali akong pakisamahan. Paano nila nasabing may problema ako? Pagkatapos ay pinaalalahanan din ako ng aking kaparehang kapatid para magnilay sa aking sarili nang kaunti, kaya sa wakas ay nanalangin ako sa Diyos nang mapayapa, humiling sa Kanya na bigyan ako ng liwanag para makilala ko ang aking sarili.

Kalaunan, binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga kapatid, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila at magtapat sa kanila para maging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Kapag gumagampan ka sa iyong tungkulin, mas lalong mahalaga na ilahad mo ang iyong puso at magtapat sa mga tao; saka lamang kayo magkasamang makagagawa nang maayos. … Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay walang ingat, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: ‘Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!’ At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: ‘Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.’ Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka masigasig na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: ‘Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpapasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman nagawan ng ganito kalaking pagkakamali, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?’ At pagkarinig nito, madarama nila na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, ‘Madalas din akong maging negatibo,’ at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya aalisin ang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). “Maraming diumano’y ‘mabubuting tao’ sa mundo na nagsasalita ng matatayog na salita—bagama’t sa panlabas, tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan, ang totoo ay labis silang mapanlinlang at hindi maaasahan. Napakahusay nilang sumunod sa agos, magaling silang magsalita. Sila ay huwad na mabubuting tao at mapagkunwari—nagpapanggap lamang silang mabuti. Ang mga taong walang kinikilingan sa mga usapin ang mga pinakatusong tao sa lahat. Wala silang sinasalungat, mahusay at matatas sila, sa lahat ng sitwasyon ay magaling silang magkunwari na nakikiayon sila, at walang nakakakita sa kanilang mga pagkakamali. Para silang mga buhay na Satanas!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na kung magsasabi lang ako ng mga bagay na sumusuporta at nagbibigay-puri sa mga pakikisalamuha ko sa iba, at hindi ko sasabihin ang mga problemang nakikita ko, hindi iyon tunay na pagtulong sa kanila at hindi sila ganap na makikinabang doon. Sinasabi ng Diyos na ang pananatili sa gitna, pagiging tusong tagapagpalugod sa mga tao, iyan ay pagpunta kung saan man umiihip ang hangin, pagpapasaya sa lahat, at hindi pananakit kaninuman. Ito ay pagiging isang buhay na Satanas. Sa pagninilay sa sarili kong pag-uugali, nakita kong ako ang eksaktong uri ng tao na isiniwalat ng Diyos. Nang hindi nilutas ni Ding Rui ang liham ng pag-uulat na iyon at kinailangang ulitin ang gawain, alam ko na dahil ito sa kagustuhan niyang makabalik kaagad. Dapat itinuro ko sa kanya ang problema niya at tinulungan siyang magnilay sa kanyang sarili. Pero natakot akong sabihin niya na wala akong konsiderasyon at walang pagkatao. Kaya nagsabi ako ng ilang salitang nakakapagpalakas ng loob, at nagkuwento pa ako tungkol sa aking mga kabiguan para aluin siya. Pagkatapos kong sabihin ang lahat ng iyon, hindi na siya nabahala pa at hindi na masyadong nagnilay sa tiwali niyang disposisyon. Ayos lang na magsama ng mga personal na karanasan sa pagbabahaginan para tulungan ang iba, pero dapat na pangunahing gamitin ng isang tao ang mga kabiguan at kaalaman niya sa sarili para gabayan ang iba na magnilay at matuto tungkol sa kanilang mga sarili. Pero hindi iyon ang sinusubukan kong makamit sa pagbabahagi ko ng mga personal kong kabiguan. Ang layunin ko ay pagaanin ang loob ni Ding Rui para maramdaman niyang lahat ay pare-parehong tiwali at normal lang ang mga pagkakamali. Banayad na nagbigay-daan iyon para labis niyang paunlakan ang kanyang sarili. Hindi ito pagpapatotoo sa Diyos, kundi isang panlilihis sa kanya. Nang makita kong hindi makagawa nang maayos si Ding Rui kasama ng iba at palagi niyang pinapansin ang maliliit na pagkakamali, hindi ko ito sinabi sa kanya at sumang-ayon pa ako sa kanya tungkol sa mga problema ng isa pang kapatid para maprotektahan ko ang magandang imahe ko. Ang nang makita ko ang pagiging masama ng ugali niya, hinayaan ko lang siyang magpatuloy roon nang walang kaparusahan. Bilang resulta, hindi niya nakita ang sarili niyang mga problema at nagpakasasa siya sa pamumuhay sa kanyang tiwaling disposisyon. Hindi ba nakakapinsala iyon sa kanya?

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pagiging matatas at wais sa lahat ng iyong nakakasalamuha, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang magawang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay ang pagharap sa tungkulin at sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at mga bagay nang may mga prinsipyo at pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ay malinaw na nakikita ng lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayumpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga interes. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Kaya ng isang tunay na mabuting tao na tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, responsable siya at may pasanin sa kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang mga prinsipyo at pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. May prinsipyo rin siya patungkol sa ibang tao. Kapag nakikita ang mga problema o pagkakamali ng isang kapatid, nakapagbibigay siya ng angkop na pagbabahaginan at tulong. Kung may lumalabag sa mga prinsipyo at seryosong gumugulo at gumagambala sa mga gawain ng iglesia, mapupungusan at mailalantad niya ang mga ito gaya ng nararapat, at hindi siya kikilos ayon sa mga damdamin at takot na masaktan sila, kundi maitataguyod niya ang mga prinsipyo at mapoprotektahan ang gawain ng iglesia. Iyan ang tunay na pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Inakala ko dati na ang hindi pagpupungos sa isang tao para sa kanyang mga pagkakamali, hindi paglalantad ng kanyang mga pagkukulang, o hindi pamamahiya sa kanya ay pagiging isang maunawaing tao na may mabuting pagkatao. Sa loob ng maraming taon, kahit sino pa ang nakasalamuha ko, palagi kong pinipili na maging nakagiginhawa at mabait ang mga salita ko. Lagi kong isinasaalang-alang kung paano ipaparamdam sa iba na makatwiran at maunawain ako, pinagbibigyan ang kanilang lagay ng loob, nagsasabi ng mga bagay na nakatataba ng puso. Hindi ko direktang itinuro ang mga problema ng iba na nakita ko sa kanilang mga tungkulin, at nagsabi pa ng mga kaaya-aya at nakakakonsuwelong bagay para lokohin sila, o kaya inihayag ito nang napakamalumanay. Pinuri ako ng lahat sa pagkakaroon ko ng mabuting pagkatao at pagiging madaling pakisamahan. Nakita ko ang aking sarili bilang isang mabuting tao at ipinagmamalaki ko iyon. Napagtanto ko sa pagkakalantad ng mga salita ng Diyos na sa loob ng maraming taon, ang mga paraan kung saan inakala kong naging isang mabuting tao ako ay mga pilosopiya pala talaga ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Tila may mabuti akong pagkatao—matulungin ako at hindi nakasakit ng sinuman. Nanatili akong may mabuting samahan sa lahat, pero sa puso ko, sarili kong interes lang ang iniisip ko. Ganap akong iresponsable sa trabaho ko at sa buhay pagpasok ng iba. Kahit kaunti ay hindi ako mabuting tao. Ako ay makasarili, ubod ng sama, at isang mapanlinlang na tagapagpalugod sa mga tao, isang huwad na mabait na tao. Sa pag-iisip kung paano ko ipinagmamalaki dati ang pagkakaroon ko ng mabuting pagkatao at pagturing ko sa sarili ko na isang mabuting tao, talagang walang-wala akong kahihiyan. Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako, “O Diyos, ipinakita sa akin ng Iyong mga salita kung ano ang tunay na mabuting pagkatao. Gusto kong isabuhay ang katotohanan at maging isang taong may mabuting pagkatao.”

Kasunod nito, ipinareha ako ng iglesia kina Chen Lin at Li Yue para magdilig sa mga bagong mananampalataya. Hindi nagtagal, natuklasan ko na pabaya si Li Yue at iresponsable sa tungkulin niya. Madalas siyang abala sa mga personal na bagay, na nakaaantala sa gawain. Nagbahagi kami ni Chen Lin sa kanya, pinabigyan sa kanya ng prayoridad ang mga bagay para hindi maantala ang gawain ng iglesia. Sa pagkagulat ko, hindi niya ito tinanggap, pero nagdahilan siya at nagalit. Isinama ni Chen Lin ang mga salita ng Diyos sa kanyang pagbabahaginan at paghihimay ng mga problema niya, pero walang anumang kamalayan sa sarili si Li Yue. Sinabi niya na kulang siya sa tayog at hindi niya maisagawa ang katotohanan. Habang nakikita ko siyang ganoon, inakala ko na kung patuloy kong hihimayin ang problema niya, tiyak na sasabihin niyang marami akong hinihingi, na wala akong mabuting pagkatao at pinipigilan ko siya. Pakiramdam ko hindi ko siya dapat ilantad para patuloy kaming magkasundo nang mabuti. Kaya, magalang kong pinatatag ang loob niya, “Mababa lang ang tayog mo, at kaya naming intindihin ka. Basta huwag mo na lang iantala ang gawain sa hinaharap.” Nang sabihin ko iyon, nawala ang pagkakasalubong ng mga kilay ni Li Yue at hindi na siya nagalit. Naging napakapalakaibigan niya sa akin pagkatapos niyon. Napakasaya ko at nadama ko na mayroon akong magandang diskarte para sa pagbabahaginan. Kahit na itinuro ko ang problema niya, maganda pa rin ang tingin niya sa akin. Kalaunan, kulang pa rin sa pasanin sa tungkulin niya si Li Yue, at nagkaroon pa siya ng pagkiling laban kay Chen Lin, sinasabing masyado itong maraming hinihingi. Sinabi ni Chen Lin ang problema ako, sinabing, “Alam mo ba kung ano ang kalikasan ng pagbabahaginan mo kay Li Yue noong isang araw? Nagbahagi tayo sa kanya para tulungan siyang makilala ang sarili niya, magnilay, at magsisi. Pero iyong mga huling sinabi mo ay hindi lang hindi nakatulong sa kanya para magnilay, kundi pinaniwala mo rin siya na maunawain ka habang sobrang dami ko namang hinihingi sa kanya. May nakagagambala at nakasisirang kalikasan ang paggawa niyan, at hindi talaga ito nakatulong sa kanya.” Masakit para sa akin ang mga salita ni Chen Lin. Sa sakit na nadarama ko, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Habang nahaharap sa pagpupungos, hindi ko napagtanto ang kabigatan ng problemang ito. Pero alam kong pinahihintulutan Mo ang lahat ng bagay na nakakaharap ko araw-araw. Pakiusap bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para makilala ko ang aking sarili.”

Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang unang diskarte na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao ay ang pagkuha sa loob nila. Gaano karaming paraan ang mayroon para kunin ang loob ng mga tao? Isang paraan ay ang akitin sila gamit ang maliliit na pabor. Minsan nagbibigay ang mga anticristo ng magagandang bagay sa mga tao, minsan ay pinupuri nila ang mga ito, minsan naman ay nagbibigay sila ng maliliit na pangako sa mga ito. At kung minsan, nakikita ng mga anticristo na ang ilang tungkulin ay makakapagbigay-kakayahan sa mga tao para bumida, o na iniisip ng iba na ang mga tungkuling ito ay makakapagdala ng bentahe sa sinumang gagawa ng mga ito at makakapagdulot para igalang ng lahat ang mga ito, at itinatalaga nila ang mga tungkuling ito sa mga gusto nilang makuha ang loob. … May ilang taong sobrang sentimental, at palagi silang napipigilan ng kanilang mga damdamin kapag ginagawa ang kanilang tungkulin, at sinasabi ng lider nila, ‘Dahil ito sa mababa mong tayog, ayos lang ito.’ May ilang tao na tamad at hindi tapat sa kanilang tungkulin, pero hindi sila sinasaway ng lider nila, sa halip, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan at gustong marinig ng mga taong iyon sa bawat pagkakataon para palugurin ang mga ito at matawag silang mabuti ng mga ito, at para ipakita sa mga ito kung gaano sila kamaunawain at kamapagmahal. Iniisip ng mga taong iyon, ‘Ang lider namin ay parang mapagmahal na ina. Tunay siyang may pagmamahal sa amin—talagang kinakatawan niya ang Diyos. Talagang galing siya sa Diyos!’ Ang hindi hayagang sinasabing implikasyon dito ay na kaya ng lider nilang magsilbing tagapagsalita ng Diyos, na kaya niyang kumatawan sa Diyos. Ito ba ang layon ng lider na ito? Hindi siguro iyon ganoon kalinaw, pero maliwanag ang isa sa mga layon niya: Gusto niyang sabihin ng mga tao na napakagaling niyang lider, isinasaalang-alang ang iba, nakikisimpatya sa mga kahinaan ng mga tao, at lubos na maunawain sa puso ng mga ito. Kapag nakikita ng isang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, maaaring hindi niya sawayin ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: ‘Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.’ Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambalaang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng isang huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, ‘Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.’ Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo, at nailihis na ng anticristong ito ang mga hinirang ng Diyos, at talagang wala silang pagkakilala(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao). Inilantad ng Diyos ang mga anticristo bilang hindi kapani-paniwala ang pagiging kasuklam-suklam at buktot. Para palakasin ang kanilang lugar sa puso ng iba, hindi nila kailanman sinasaktan ang mga tao. Kung may napapansin silang lumalabag sa mga prinsipyo, hindi nila ibinahagi ang katotohanan para malutas ang problema o inilantad at inihinto ito. Sa halip, nagsasalita sila ng magagandang bagay para makuha ang suporta ng iba, para magustuhan sila ng iba, isipin na sila ay mapagmahal, maunawain, at mapagpatawad habang nilalabanan at inaayawan ang mga salita at mga kinakailangan ng Diyos, at hindi isinasagawa o pumapasok sa mga ito. Dinadala ng mga anticristo ang iba sa kanilang harapan. Nagnilay ako sa kung paanong tulad lamang sa isang anticristo ang kalikasan ng aking mga pagkilos. Maliwanag kong nakita ang mga pagkakamali sa mga tungkulin ng mga kapatid, kahit ang ilan na seryoso na at nakaapekto na sa gawain, kaya dapat na itinuro ko ang mga ito. Sa gayon, makikita nila ang diwa ng problema at ang mga malubhang kahihinatnan nito, at kaagad silang magsisisi. Pero natakot akong kapag inilantad ko ang mga problema ng mga tao ay masasaktan sila, kaya pinagbigyan ko ang kanilang mga laman, nagsasabi ng mga bagay na masarap pakinggan para makuha ang suporta nila. Habang nakikipagbahaginan at inilalantad ang problema ni Li Yue, hindi ako nakipagtulungan kay Chen Li para gabayan si Li Yue na makilala ang kanyang sarili, kundi natakot akong kumiling siya laban sa akin kung magsasalita ako nang mahigpit, kaya sinang-ayunan ko ang mga damdamin niya, nagpakabait. Dahil doon, nagmukha akong mas mapagmahal kaysa kay Chen Lin, kayang magpatawad at magparaya sa mga kahinaan niya, dahil dito hindi natukoy ni Li Yue ang sarili niyang mga problema at naging mapanlaban siya kay Chen Lin. Ganyan din ako kay Ding Rui. Nakita ko ang problema niya, pero sa halip na makipagbahaginan at tumulong, gabayan siyang magnilay at makita ang problema niya, palagi ko siyang pinagbibigyan. Sa ganoong paraan ay hindi ko itinataas o pinatotohanan ang Diyos sa aking tungkulin, at hindi ko ginagampanan ang aking mga responsabilidad. Isa akong lider, pero nang makita ko ang mga kapatid na lumalabag sa mga prinsipyo sa pamamagitan ng pagkilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi ko ibinahagi ang katotohanan para malutas ang problema, kundi pinagbigyan ko ang kanilang laman, nagsasabi ng ilang nakagiginhawang bagay para lokohin sila. Pinalayaw ko silang mamuhay sa mga tiwaling disposisyon, pinauunlukan at pinagbibigyan ang kanilang mga sarili. Ang kalikasan ng ginawa ko ay para pigilan ang iba sa pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi nila alam ang katotohanan o wala silang pagkaunawa tungkol sa Diyos, at mapanlaban sila at ayaw nila sa mga hinihingi ng Diyos. Pero inakala nilang lahat na magaling ako, sinasabing mapagpatawad at maunawain ako, at mas nagiging malapit sila sa akin. Hindi ba iyan panglilihis sa mga tao? Nakita kong sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya at pagiging mabait na tao, wala akong ginagawa kundi kasamaan. Nagmukhang pinakikitunguhan ko nang maayos ang iba, pero ang totoo, dinadalhan ko ng pinsala ang mga kapatid, at inaantala ang gawain ng iglesia. Masyado akong ipokrito! Gumamit ako ng pailalim na taktika para makuha ang paghanga at pagsamba ng iba. Nasa landas ako ng isang anticristo! Sa loob ng mga taong iyon, isinuko ko ang aking pamilya at trabaho para gawin ang mga tungkulin. Nagdusa ako nang kaunti, at nagtrabaho rin nang marami. Kailanman ay hindi ko inakalang mapupunta ako sa landas ng isang anticristo. Nabalot ng takot ang puso ko. Mas lalo akong nakaramdam ng pagkaduwal at pagkainis sa sarili ko. Habang lumuluha, nanalangin ako, “O Diyos! Hinahabol ko ang katayuan at pinoprotektahan ang aking mga relasyon para makuha ang suporta ng iba. Lubhang kasuklam-suklam sa Iyo ang disposisyon kong ito, at kung parurusahan ako, iyon ay ang Iyong katuwiran. O Diyos, handa akong magsisi.”

Kaunting sandali pagkatapos, pabasta-basta pa rin ni Li Yue sa kanyang tungkulin, at wala siyang nagagawang kahit ano at hindi pa rin siya nagbago pagkatapos ng pagbabahaginan. Sinabi namin sa aming lider ang tungkol sa mga problema niya. Pagkalipas ng ilang araw, dumalo ang lider sa aming pagtitipon at nagbahaginan sa mga problema ni Li Yue para matulungan siya. Pero hindi pa rin talaga kilala ni Li Yue ang sarili niya. Hiniling ng pinuno sa akin at kay Chen Lin na sabihin ang aming mga posisyon: Kung isasaalang-alang ang sitwasyon, dapat bang tanggalin si Li Yue? Medyo nagulat ako sa tanong na ito. Iniisip ko na nakaupo roon si Li Yue, paano ako makapagsasalita? Kung sasabihin ko ang katotohanan at natanggal siya, baka magalit siya sa akin. Pakiramdam ko, dapat hindi ako magsalita. Sa sandaling iyon, nakaramdam ako ng matinding kirot ng pagkakonsensiya. Napagtanto ko na muli kong inisip na protektahan ang lugar ko sa puso ng iba. Nagbanggit ako ng tahimik na panalangin sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, Iniisip ko ang tungkol sa pamumuhay batay sa aking mga satanikong pilosopiya, kumikilos na naman na parang isang tagapagpalugod sa mga tao. Pakigabayan Mo ako para sabihin ko ang katotohanan at maghimagsik ako laban sa aking mga maling motibo.” Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos kong manalangin. Sabi ng Diyos: “Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo. Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kapag may mga nangyayaring bagay, kailangan nating tumindig sa panig ng Diyos at itaguyod ang gawain ng iglesia. Kapag nakikita natin ang iba na lumalabag sa mga prinsipyo, nakagagambala sa gawain ng iglesia, hindi natin sila puwedeng protektahan, kundi dapat sundin natin ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tunay na pagkakawangis ng tao na hinihiling ng Diyos na isabuhay natin. Batay sa pag-uugali ni Li Yue, hindi siya nababagay para ipagpatuloy ang gawaing iyon sa panahong iyon. Hindi ako dapat matakot na masaktan siya, kundi dapat kong itaguyod ang gawain ng iglesia, maging isang tapat na tao at linawin ang aking posisyon. Kaya naman, ipinaliwanag ko ang pananaw ko. Pagkatapos timbangin ang lahat, tinanggal ng lider si Li Yue.

Pagkatapos niyon, ipinareha akong gumawa ng tungkulin kasama si Sister Wang Jia. Sa aming mga pakikipag-ugnayan, napansin ko na inantala niya kung minsan ang gawain ng iglesia para sa mga personal na bagay. Nakipagbahaginan ako sa kanya na dapat unahin ang gawain. Hindi nagtagal, narinig kong sinabi ng aming lider na itataas niya ang ranggo ni Wang Jia para mamahala ng isang aytem ng gawain. Naisip ko na may kakayahan at galing si Wang Jia, kaya magiging maayos siyang mangasiwa ng gawain. Pero kapag sumalungat sa gawain ang kanyang mga personal na bagay, minsan ay hindi niya inuuna ang tungkulin niya. Kung hindi siya magkakaroon ng kamalayan sa problemang iyon, maaantala ba ang gawain sa pangangasiwa niya? Bilang kapareha niya, mayroon akong responsabilidad na makipagbahaginan at ituro ito sa kanya. Pero nag-alinlangan ako noong sasabihin ko na ito. Nakipagbahaginan na ako sa kanya ukol sa ganoong uri ng problema. Kung babanggitin ko na naman ito ulit, hindi kaya sabihin niyang ayaw kong bitiwan ang problema, kundi walang tigil kong inilalantad ang mga kapintasan niya? Napagtanto kong nasa maling kalagayan na naman ako, kaya tahimik akong nanalangin. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon na nagsasabing: “Hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, inililigaw, pinagtatawanan, tinutudyo, nililibak, tinutuya, hinihigpitan ang iba, o inilalantad ang mga kahinaan nila, o sinasaktan sila. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at pungusan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? … At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: Sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, positibo ang mga ito. Tumangging sambitin ang mga pekeng salitang iyon, ang mga salitang iyon na walang pakinabang o hindi nagpapatibay sa mga tao; maiiwasan nitong mapinsala sila o matisod sila, na magsasadlak sa kanila sa pagkanegatibo, at magkakaroon ng negatibong epekto. Dapat kang magsalita ng mga positibong bagay. Dapat kang magsumikap na tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo, para makinabang sila, para matustusan sila, para magkaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos; at dapat mong tulutan ang mga tao na matulungan, at makinabang nang husto, mula sa iyong mga karanasan sa mga salita ng Diyos at sa paraan ng paglutas mo ng mga problema, at magawang maunawaan ang landas ng pagdanas ng gawain ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad, na magtutulot sa kanilang magkaroon ng buhay pagpasok at lumago ang kanilang buhay—na pawang epekto ng pagkakaroon ng mga prinsipyo sa iyong mga salita, at pagpapatibay nito sa mga tao(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3). Nakakita ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sa mga pakikisalamuha ko, kailangan kong sabihin ang katotohanan para makinabang ang mga tao at mapatibay sila. Hindi ko sila puwedeng kutyain, maging sarkastiko, o libakin sila. Nauunawaan ko rin na kapag sinasabi ng Diyos na huwag ilantad ang mga kahinaan ng mga tao, tungkol ito sa hindi pagkapit sa kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, at paghatol at pagkondena sa kanila. Ang pagtuturo at paglalantad ng kanilang mga problema para matuto sila ng isang aral ay hindi paglalantad ng mga kahinaan, kundi mapagmahal na tulong. Hindi kilala ni Wang Jia ang sarili niya, at ang pagtuturo sa kanya ng problema niya ay pagpapaalala at pagtulong sa kanya. Kahit hindi niya agad tinanggap ito at sumama ang tingin niya sa akin, dapat ko itong itrato nang maayos. Hangga’t naghahangad siya ng katotohanan, hahanapin niya sa kalaunan ang katotohanan, kikilalanin ang sarili, at magbabago. Pagkaunawa ko nito, nakipagbahaginan ako kay Wang Jia sa kanyang problema. Kalaunan, sinabi ni Wang Jia sa isang sanaysay na isinulat niya, “Kung hindi inilantad at hinimay ng kapatid na nakapareha ko ang problema ko, hindi ako magninilay sa aking sarili o makikita ang katindihan ng problema ko, lalong hindi ako magsisisi o magbabago.” Nang makitang nagkaroon si Wang Jia ng ganoong pang-unawa, nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko. Mga salita ng Diyos ang tumulong sa akin para makita ang tunay na mukha ng pagkilos ko bilang isang mabuting tao at binago nito ang mali kong pananaw sa paghahangad. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply