Hindi Na Ako Nabubuhay Para sa Pera

Abril 25, 2024

Ni Weixiao, Tsina

Noong bata pa ako, napakahirap ng pamilya ko. Minamaliit kami ng lahat ng aming mga kamag-anak at kapitbahay, at hindi nakikipaglaro sa akin ang mga anak ng kapitbahay namin. Naaalala ko na may isang pagkakataon na masaya akong nagpunta sa kapitbahay namin para tanungin kung gustong makipaglaro ng anak nito, pero nang malapit na ako sa pintuan ng kanilang bahay, bigla niyang isinara ang pinto. Parang isang selyong tumatak sa mga alaala ng pagkabata ko ang eksenang ito. Dahil dito ay lubhang nasaktan ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Noong magsimula na akong mag-aral, minaliit din ako ng aking mga kaklase at guro. Nang makita ko na ang mga bata mula sa ibang pamilya ay may mga magandang bag at lagayan ng lapis at magandang damit, dahil alam kong wala ako ng mga iyon, inisip ko araw-araw kung gaano sana kaganda kung ganoon din karami ang pera ng aming pamilya. Kung magkaganoon ay hindi na ako mamaliitin ng mga tao. Noong 10 taong gulang ako, nagkautang nang malaki ang aking pamilya dahil sa aksidente sa kalsada, at nangutang ang aking ama sa aking mga kamag-anak. Dahil mahirap kami, hindi sila naglakas loob na ipahiram ito sa amin. Pagkatapos niyon, naging labis na malungkutin ang aking ama kaya madalas na lang siyang napapabuntong-hininga, at madalas niyang sinasabi sa akin, “Minamaliit tayo ng ating mga kamag-anak at kapitbahay dahil wala tayong pera. Kapag lumaki ka na, kailangan mong bigyan ng karangalan ang pangalan ng pamilya; kapag kumikita ka na ng malaki ay saka lamang tataas ang tingin ng mga tao sa iyo.” Parehong nakaukit sa isipan ko ang mga salita ng aking ama at ang alaala ng pang-aapi sa akin noong bata ako, at nagpasya akong kumita ng napakaraming pera kapag lumaki na ako, mamuhay nang marangya, lubusang iwaksi ang bansag na “isang dukha”, at mapansin ng lahat ng mga taong minsang nangmaliit sa akin.

Noong 1996, nagsimulang magtrabaho ang aking ama bilang tagapamagitan sa negosyo ng transportasyon ng kargamento. Makalipas ang ilang taon, umunlad nang umunlad ang negosyo ng aming pamilya. Bukod sa nabayaran na namin ang lahat ng utang namin, nakabili rin kami ng isang trak ng kargamento at ng mga telepono at mobile device. Nang magkapera na ang aming pamilya, nagsimula na kaming dalawin ng mga kamag-anak at mga kapitbahay na dating nangmaliit sa amin. Saanman kami pumunta, mataas ang tingin sa amin ng iba. Sa wakas ay taas-noo na ako kapag naglalakad. Dahil doon, mas naging matibay ang paniniwala ko na sa pamumuhay sa mundong ito, kailangang kumita ang isang tao ng mas maraming pera. Kapag may hawak na pera ang isang tao ay saka lamang siya rerespetuhin ng mga tao. Dahil sa nakita at narinig ko sa paligid ko, unti-unti kong natutuhan kung paano magnegosyo. Noong 1999, habang naghahanda akong ibuhos ang buong lakas ko sa pagnenegosyo, dumating sa akin ang kaligtasan ng Diyos sa mga huling araw. Sa simula, napakasigasig ko sa aking pananalig sa Diyos. Nakita ko na maraming tao ang hindi pa rin lumalapit sa Diyos, kaya’t sumama ako sa mga hanay ng mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos niyon, madalas akong lumabas para ipalaganap ang ebanghelyo, na nakasagabal sa negosyo ng aking pamilya. Nagsimula na akong pagalitan ng aking pamilya, sinasabi nila, “Bakit ka naniniwala sa Diyos sa ganyang kamurang edad? Kung patuloy kang magpupunta kung saan-saan, hindi ka namin bibigyan ng perang panggastos.” Naisip ko, “Kung wala akong pera, hindi ba’t kakailanganin ko na namang tiisin ang pangdidiskrimina ng mga tao gaya noong bata pa ako?” Sa huli, hindi ko napangibabawan ang tuksong ito at binitiwan ko ang paggawa sa aking mga tungkulin, at dumadalo na lang ako sa mga pagtitipon paminsan-minsan. Habang naging mas abala ako sa trabaho, lalong lumayo ang puso ko sa Diyos. Kalaunan, ipinasa sa akin ng aking ama ang pamamahala sa buong negosyo, at may sarili na akong propesyon noong mga bente anyos na ako. Noong panahong iyon, sobrang saya ko. Upang kumita ng mas maraming pera at maging isang matagumpay na babae sa trabaho, araw-araw kong pinipiga ang utak ko para makaugnayan ang iba’t ibang supplier ng mga kalakal. Buong araw at gabi, sobrang dami ng tumatawag sa akin, hindi ko na nasasagot ang iba. Kapag nauuhaw ako, hindi man lang ako makainom ng tubig, at kapag namamaos na ang lalamunan ko, ni ayaw kong magpahinga. Dahil sa pagsusumikap na ito, nakaipon ako sa wakas ng halos 100,000 yuan. Bagama’t nagdusa ako nang higit kaysa sa karaniwang tao sa loob ng ilang taong iyon, sulit na makitang unting-unting kumakapal ang aking pitaka.

Kalaunan, nakita ko na karamihan sa mga kliyenteng pumupunta sa bahay ko para pag-usapan ang negosyo ay may mga minamanehong kotse at nakatira sa matataas na gusali, samantalang umuupa lang ako ng isang lumang bahay na may dalawang kwarto na nakaharap sa lansangan. Walang-wala ako kung ikukumpara sa mayayamang taong ito. Sinabi ko sa sarili ko, “Hindi uubra ito, kailangan kong patuloy na magtrabaho nang mabuti at magsikap para balang araw ay makapagmaneho ako ng kotse, makapanirahan sa isang mataas na apartment, at magkaroon ng sarili kong kompanya.” Para matupad sa lalong madaling panahon ang inaasam ko, mas lalo pa akong nagpakaabala. Sa loob ng ilang taon na iyon, halos wala akong maayos na tulog sa gabi at madalas ay pagod na pagod ako. Bata-bata pa ako noon nang magsimula akong magkaroon ng mga pananakit sa ulo dahil sa tensyon. Noong may ganito akong mga pananakit ng ulo, para akong tinutusok ng maraming karayom. Dagdag pa rito, madalas akong naduduwal at nagsusuka dahil sa radiation mula sa aking computer at telepono. Upang maibsan ang pananakit, ginamit ko ang mga kuko ko para puwersahang kurutin ang anit ko, o iniuuntog ko ang ulo ko sa pader, pero hindi nababawasan ni katiting ng mga pamamaraang ito ang pananakit ng aking ulo. Kapag sobrang sumasakit ang ulo ko na hindi ko na makayanan, naisip kong pumunta sa ospital para magpasuri, pero nakita ko ang lahat ng tig-100 yuan na pumapasok sa pitaka ko at hindi ko na nagawang magpunta sa ospital. “Hahayaan ko na lang ito,” naisip ko, “bihira na ngayon ang mga pagkakataong kumita ng pera. Dapat kong samantalahin ang pagkakataong ito at kumita ng mas marami pang pera habang bata pa ako.” Makalipas ang ilang taon, nagkaroon kami ng isang kotse at bahay at nakapagparehistro ng isang kompanya ng containerization. Tuwing minamaneho ko ang aking kotse papunta sa ibang kompanya para makipag-usap tungkol sa negosyo, tinitingnan ako ng mga amo nang may pagsang-ayon, at pinupuri nila ako dahil sa pagkakaroon ko ng sarili kong propesyon sa gayong kamurang edad, sinasabi nilang mayroon akong mahusay na kakayahan. Maraming kliyente ang madalas na tumatawag sa akin ng “manager” kapag nakikita nila ako, at pinupuri ng mga kaibigan ko ang aking pagiging isang matagumpay na babae. Tuwing bakasyon, kapag lumuluwas kami ng buong pamilya pauwi sa aming probinsya, pinupuntahan at tinitingnan kami ng maraming kapitbahay, at sinasabi nilang masuwerte ang mga magulang ng asawa ko dahil mahusay ang manugang na babae ng mga ito. Nang marinig ko ang mga salitang ito ng pagpuri, labis akong nasiyahan sa sarili ko. Sa ilang taong iyon, araw-araw kong iniisip kung paano ako kikita ng mas maraming pera at lalo akong naging walang pakialam sa pananampalataya sa Diyos. Kung minsan, kapag hindi ako nakakasali sa isang pagtitipon, hinahanap ako ng mga sister. Pero wala ako sa tamang lagay ng pag-iisip para makinig sa pagbabahagi nila. Minsan, kahit na dumadalo ako sa pagtitipon, ang lagi ko pa ring iniisip ay ang tungkol sa mga usapin ng negosyo. Bagama’t sobra akong abala araw-araw, hindi naging maayos ang takbo ng negosyo, taliwas ito sa inasahan ko. Sunud-sunod ang nangyaring aksidente sa kalsada, at maraming kliyente ang huli sa pagbabayad ng kargamento. Sa ilang taon na iyon, nalugi kami ng mahigit sa ilang daan libong yuan. Para mabawi ang perang nalugi sa amin, naglaan ako ng mas maraming oras at lakas kaysa dati. Sa sobrang bigat ng trabaho araw-araw, sobrang subsob sa trabaho ang katawan ko, at lumala nang lumala ang mga pananakit ng ulo ko. Araw-araw, pakiramdam ko mas mabuti pang mamatay na lang ako. Mula nang magsimula kaming magkapera, araw-araw lumalabas ang asawa ko para magpakasaya at magdamag siyang nasa labas. Nagsugal pa siya at nagwaldas ng maraming pera. Araw-araw kaming nagtalo dahil dito, at madalas na mapula ang mukha ko kaiiyak. Naramdaman kong napakasakit ng buhay. Nakaramdam ako ng labis na kawalan ng pag-asa, at gulong-gulo rin ako. Ngayon, natupad ko na ang pangarap ko. May kotse, bahay at kompanya ako. Pero bakit hindi ko maramdaman ang kahit katiting na kasiyahan? Ano ba ang nangyayari? Noong ako ay nasasaktan at walang magawa, naisip ko ang aklat ng mga salita ng Diyos na inilagay ko sa aking opisina noon. Binuksan ko ang kabanatang may pamagat na “Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat” at nagsimula akong magbasa. Noong oras na iyon, napakatahimik sa opisina, at patuloy akong nagbasa mula sa simula. Nang mabasa ko ang huling sipi, naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Sabi ng Diyos: “Ang sangkatauhan, na lumayo mula sa panustos ng buhay ng Makapangyarihan sa lahat, ay hindi nakakaalam kung bakit sila nilikha, subalit takot pa rin sa kamatayan. Wala silang tulong o suporta, ngunit atubili pa ring ipikit ang kanilang mga mata, at determinadong mamuhay nang walang dangal sa mundong ito, mga sako ng laman na hindi nararamdaman ang kanilang sariling kaluluwa. Sa ganitong paraan ka namumuhay, walang pag-asa, walang layunin na tulad ng iba. Tanging ang Banal na Isa ng alamat ang magliligtas sa mga tao, na habang nananaghoy sa kanilang pagdurusa, ay lubhang umaasam sa Kanyang pagdating. Sa ngayon, ang gayong paniniwala ay hindi pa rin nagaganap sa mga yaong walang kamalayan. Gayunpaman, patuloy pa ring inaasam ito ng mga tao. Ang Makapangyarihan ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na walang kamalayan, dahil kinailangan Niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, bigyan ka ng tubig at pagkain upang gisingin ka, upang hindi ka na mauhaw at magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay Niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsa’y nawalan ka ng direksyon, at minsa’y nawalan ka ng malay sa daan at minsa’y nagkaroon ng ‘ama,’ at na iyong matatanto, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagbabantay, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Noon pa man ay binabantayan ka at lubhang umaasam, naghihintay ng tugon na walang kasagutan. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Nang mabasa ko ang mga salitang “naghihintay ng tugon na walang kasagutan,” biglang nagising ang puso ko na mahimbing na natutulog. At nagsimula akong magnilay-nilay, “Sino ang makapaghihintay ng tugon na walang kasagutan? Ang Diyos lamang! Ang Diyos lang ang laging tahimik na nananatili sa tabi ng mga tao.” Inalo ng mga salita ng Diyos ang aking sugatang kaluluwa, at hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Sa sandaling iyon, naramdaman kong napakalapit ng puso ko sa Diyos. Sa loob ng lahat ng taon na iyon ng pananalig sa Diyos, hindi ko pa kailanman seryosong binasa ang mga salita ng Diyos, at ang laman lang ng utak ko ay kung paano ako kikita ng mas maraming pera at mapapataas ang tingin ng mga tao sa akin. Araw-araw, pinipilit kong pamahalaan ang negosyo kahit pagod na pagod na ang aking katawan. Sa huli, nakamit ko ang masaganang materyal na kasiyahan at ang respeto ng iba, ngunit ang idinulot nito sa akin ay ang paulit-ulit na pagtataksil ng aking asawa, pati na rin mga karamdaman. Hindi ko naramdaman ang kahit katiting na kaligayahan. Sa halip, ang naramdaman ko ay kahungkagan, pasakit, at kawalan ng pag-asa. Ang lahat ng pasakit na ito ay dulot ng pag-iwas at pagtatago ko mula sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Sampung taon na ang nakalilipas, narinig ko ang tinig ng Diyos, ngunit hindi ko pinahalagahan ang Kanyang nagliligtas na biyaya o kinain at ininom nang maayos ang Kanyang mga salita, ni hindi ko ginampanan ang aking mga tungkulin. Masyado akong naging mapaghimagsik, ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, at palagi Siyang nasa tabi ko, naghihintay na magbago ang aking saloobin. Noong ako ay nalilito at walang magawa, inalo agad ng mga salita ng Diyos ang aking sugatang kaluluwa. Noong hindi ako regular na dumadalo sa mga pagtitipon at umiiwas ako sa Diyos, pinatulungan Niya ako nang paulit-ulit sa mga sister, ngunit hindi ako naging mapagpasalamat at sa halip ay nanlaban ako. Paulit-ulit kong tinanggihan ang pagliligtas ng Diyos sa akin; wala talaga akong anumang konsensiya o katwiran. Habang mas naiisip ko ang mga ito, mas lalo akong nanghihinayang at sinisisi ko ang sarili ko. Umiiyak akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, nagkamali ako. Kinasusuklaman ko na hindi ko binasa nang mabuti ang Iyong mga salita noon at sa halip ay ibinuhos ko ang buong puso ko sa pagkita ng pera. Inakala ko na kapag may pera na ako, makukuha ko na ang lahat. Subalit pagkatapos kong makamit ang pera at mga materyal na kasiyahan, sa katunayan ay nadama ko ang sobrang kahungkagan, pasakit, at kawalang pag-asa. O Diyos, mali ang landas na pinili ko dati. Mula ngayon, gusto kong muling hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos.” Pagkatapos manalangin, nakadama ako ng sobrang kaginhawahan at kapayapaan. Para akong nag-iisang bangka sa dagat na nakahanap ng daungan para ikabit ang aking angkla, para akong isang alibughang anak na bumalik sa mga bisig ng kanyang ina pagkatapos maglagalag nang ilang taon. Nakaramdam ako ng katiwasayan na hindi ko pa kailanman naramdaman. Pagkatapos niyon, tuwing oras na para magtipon, palagi kong iniiskedyul nang mas maaga ang negosyo ko. Unti-unti, naramdaman ko ang ginhawa kapag sumasali ako sa mga pagtitipon, at madalas na akong nakapaglalaan ng oras para magbasa ng mga salita ng Diyos at gawin ang aking tungkulin sa iglesia. Subalit minsan, kapag nagkakasabay ang negosyo ko at ang aking tungkulin, pinipili ko ang aking negosyo at ipinagpapaliban ang aking tungkulin kahit na ayaw ko. Dahil dito, nahihirapan ang kalooban ko. Minsan, maiisip ko rin, “Kailan kaya ako hindi maaapektuhan ng aking negosyo at magagawa nang payapa ang aking tungkulin?” Nang nakita ko na maraming kapatid ang nagawang iwan ang kanilang mga pamilya at bitiwan ang kanilang mga propesyon para ipalaganap ang ebanghelyo, labis na naantig ang puso ko. Naisip ko na lahat kami ay tao, kaya kung kayang isantabi ng mga kapatid ang kanilang mga alalahanin at gugulin ang kanilang mga sarili para sa Diyos, kung gayon bakit hindi ko kayang bumitaw? Lubos akong umasa na balang araw ay buong puso ko nang maibubuhos ang sarili ko sa paggawa ng aking tungkulin; magiging nakapainam niyon! Inulit-ulit ko ang kaisipang ito sa aking pananalangin sa Diyos, umaasa akong pagkakalooban ako ng Diyos ng higit na pananampalataya at tutulutan Niyang dumating ang araw na kaya ko nang bitawan ang aking negosyo at buong pusong gugulin ang aking sarili para sa Kanya.

Noong tag-init ng 2011, lalong tumindi ang pananakit ng ulo ko. Hindi ko na talaga nakayanan, kaya pumunta ako sa ospital ng lungsod para magpatingin. Sinabi ng doktor sa akin, “Maaaring may kaugnayan ang pananakit ng ulo mo sa trabahong ginagawa mo ngayon. Kung gusto mong bumuti ang kondisyon mo, ang pinakamagandang paraan ay huwag mo nang gawin ang negosyong ito. Kung hindi, lalala nang lalala ang kondisyon mo.” Nang marinig ko ang mga sinabi ng doktor, malinaw sa akin na ito ang pagbibigay sa akin ng Diyos ng daan palabas. Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para sabihin sa pamilya ko na hindi ko na maitutuloy pa ang pagnenegosyo, subalit hindi ako makapagpasya, dahil 10 taon ng matinding pagsisikap at pamamahala ang ginawa ko para magbunga nang ganito ang negosyo ko, at higit pa roon, maunlad ang negosyo sa taong iyon at kung minsan ay kumikita kami ng lima o anim na libong yuan sa isang araw. Kung bibitiw ako, ang mga kliyenteng nakakausap ko sa loob ng ilang taong ito ay maaaring nakawin ng ibang kompanyang nasa parehong industriya. Sa huli, hindi ko napangibabawan ang pang-aakit ng pera, at tiniis ko ang pagpapahirap ng aking karamdaman para makapagpatuloy sa pagtatrabaho ng ilang buwan pa. Bagama’t kumita ako ng malaki, hindi talaga ako masaya, at naisip ko iyong dati, noong nanalangin ako sa Diyos at handa na akong bitiwan ang aking negosyo at gugulin ang sarili ko para sa Kanya. Subalit ngayon, kumakapit pa rin ako sa pera at hindi bumibitaw. Sobrang nakokonsensiya ang kalooban ko. Kaya, nanalangin akong muli sa Diyos, hinihiling na tulungan Niya akong bitiwan ang aking negosyo at gugulin ang aking sarili para sa Kanya. Isang araw, nakita ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. Sa pagitan ng tahimik na pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa katigasan ng puso ninyo. Mukhang walang anumang idinulot sa Akin ang maraming taon ng dedikasyon at pagsisikap kundi ang inyong pagpapabaya at kawalang-pag-asa, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kahihinatnan? Napag-isipan na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o tututol sa mga ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Dahil sa pagharap ko sa pagtatanong ng Diyos, napasok ko ang kalagayan ng pagninilay-nilay. Naisip ko kung paano ako nanalangin sa Diyos nang maraming beses, nagsasabi na handa akong talikuran ang aking negosyo at gugulin ang aking sarili para sa Kanya sa lahat ng oras. Subalit, nang tingnan ko ang aking pang-araw-araw na kita na ilang libong yuan, ayaw ko nang iwan ito. Hindi ba’t niloloko ko ang Diyos? Naisip ko na kahit na nananalig ako sa Diyos sa loob ng ilang taong ito, ginugol ko pa rin ang halos lahat ng oras at lakas ko sa pagnenegosyo. Ang laman lang ng isip ko ay kung paano ako kikita ng mas maraming pera, at hindi ko kailanman pinahalagahan ang tungkuling dapat kong gawin. Tuwing nagkakasabay ang aking tungkulin at negosyo, lagi kong pinipiling tugunan muna ang panig ng negosyo, hindi ko muna iniisip ang tungkol sa aking tungkulin at hindi ko ito sineseryoso. Sa loob ng ilang taong ito, naging ganap na alipin na ako ng pera para maging angat sa mga kasamahan ko, at nakikibaka ako araw-araw sa kahungkagan at pasakit, lalo pang lumalalim ang aking pagkalugmok. Kahit paulit-ulit akong nagrebelde sa Diyos, hindi Siya sumuko sa pagliligtas sa akin. Kapag hindi ako makasali sa mga pagtitipon dahil sa negosyo ko, isinaayos Niya na suportahan at tulungan ako ng mga sister. Noong kinakaharap ko ang pagtataksil ng asawa ko, ang mga pagsubok sa aking negosyo, at pati na rin ang mga karamdaman ko, at noong namumuhay ako sa kalagayan ng pasakit at kawalan ng magawa, ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang akayin at gabayan ako, at binigyang-kakayahan Niya akong asamin ang liwanag at maging handang hangarin ang katotohanan nang maayos. Noong ayaw kong bitiwan ang aking negosyo, ginamit ng Diyos ang mga salita ng doktor upang payuhan ako. Palagi Siyang nababalisa at nag-aalala sa buhay ko, at gumawa Siya ng gayong masinsinang pagsisikap para sa akin, subalit palagi akong nag-iisip kung paano kumita ng mas maraming pera at hindi ko man lang isinaalang-alang ang aking tungkulin. Napakamakasarili ko! Ngayon, binibigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin, at kailangan kong pahalagahan ito. Kailangan kong gugulin ang sarili ko para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at gawin ang aking tungkulin bilang isang nilalang. Pagkatapos kong makapagdesisyon, may ilang hindi inaasahang pangyayari ang naganap, na naging dahilan para makita ko sa isang antas ang pinsala at mga kahihinatnan ng paghahangad sa kayamanan.

Isang araw noong taglamig ng 2011, may tumawag sa aking asawa na nagbabanta, na nagsasabi na may sumama ang loob dahil sa amin, at sinabi sa aking asawa na magpadala sa kanila ng 100,000 yuan upang matiyak ang kaligtasan ng aking asawa Kung hindi, puputulan nila ng mga braso’t binti ang asawa ko. Nang marinig ko ang mga salitang ito, nagsimulang kumabog ang puso ko sa takot. Sa TV ko lang napapanood ang gayong mga eksena dati, at hindi ko akalain na mararanasan ko ito sa totoong buhay. Bakit ganito kagulo ang mundo ngayon? Bakit ganito kasama ang puso ng mga tao? Nang sandaling iyon, bigla kong naisip na kung ipagpapatuloy ko ang negosyong ito, talagang hahantong ito sa isang nakamamatay na sakuna. Naisip ko na mula nang magkaroon ng pera ang aking pamilya, walang ni isang araw na payapa ako, at ngayon ay nakaharap ko ang isang hindi inaasahang kasawiang ito—hindi nagdulot ng kasiyahan at kagalakan ang pera. Kalaunan, sunud-sunod kong nabalitaan na ilang tsuper ng trak na naghatid ng mga produkto sa aming bahay ang namatay dahil sa aksidente sa sasakyan. Nang marinig ko ang balita tungkol sa pagkamatay nila, hindi talaga ako makapaniwala na totoo iyon. Sa mga tsuper na iyon, ang mga kabataan ay nasa mga dalawampung taong gulang lang, at ang mga nasa katanghaliang edad ay nasa edad kwarenta lamang. Ang mga nag-iwan sa akin ng pinakamalalim na impresyon ay ang mag-asawa na ayaw umupa ng tsuper para kumita sila ng mas maraming pera at nagtatrabaho sila nang buong araw at gabi. Sa huli, naaksidente sila sa sasakyan dahil sa sobrang kapaguran, at parehong namatay ang mag-asawa. Kahit na kumita sila ng pera, namatay naman sila sa paggawa nito. Anong kabutihan ang naidulot sa kanila ng perang iyon? Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Kung magbabalik tanaw ako sa mga taon na iyon kung kailan ibinigay ko ang buong puso ko upang umangat sa lipunan, araw-araw ay para akong makinang nagtatrabaho sa araw at gabi. Bagama’t kumita ako ng kaunting pera at nagkamit din ng papuri at tiningala ng mga tao, hindi ako nagtamo ng anumang kagalakan o kasiyahan mula rito, at sa halip ay nadama ko ang tumitinding kahungkagan at pasakit. Alang-alang sa pagkita ng pera, nagkasakit ako, at kahit na sobrang sakit ng ulo ko na gusto ko na itong iuntog sa pader, ayaw ko pa ring tumigil sa pagkita ng pera. Nakita kong mahigpit akong naigapos ng pera. Parang kutsilyo ang pera na walang awang pumapatay sa mga tao. Kung pipilitin ko pa ring kumita ng pera gaya ng dati, baka isang araw ay pahirapan din ako ng pera hanggang sa mamatay ako, tulad ng mga taong ito. Pagkatapos ng araw na ito, hinding-hindi ko na ibibigay ang buhay ko para sa pera. Naisip ko na ngayon ay marami pa ring tao ang hindi makaunawa sa bagay na ito at nagpapatangay pa rin sila sa alimpuyo ng pera. Hindi nila nakita ang direksyon ng kanilang buhay at hindi nila alam kung paano mamuhay nang makabuluhan. Gusto kong ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw sa mas maraming tao, upang tulungan ang mga tao na marinig ang Kanyang tinig nang mas maaga at maunawaan nila ang katotohanan, at hindi na sila magdusa pa sa katiwalian at pananakit ni Satanas. Sinabi ko sa aking pamilya na matindi na ang pananakit ng aking ulo, at hindi na ako makikisali pa sa mga usapin ng negosyo sa hinaharap. Sumang-ayon naman ang pamilya ko at pinayagan nila akong magpagaling. Sobrang saya ko. Mula sa aking puso, nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng daan para makalabas.

Noong 2012, pagkatapos ng Spring Festival, ipinasa ko na ang buong negosyo sa aking asawa para siya na ang mamahala, at nababasa ko na ang mga salita ng Diyos at nagagawa ko na ang tungkulin ko nang payapa. Nakaramdam ng labis na kaginhawaan at kapayapaan ang aking kaluluwa. Unti-unti ring bumuti ang kalagayan ng kaisipan ko. Ang mas malaki pang himala ay iyong kahit na walang anumang panggagamot, mahiwagang nawala ang pananakit ng ulo ko. Lubhang naantig ang puso ko, at batid ko na ang Diyos ang nagpapagaling sa aking karamdaman at nagpapaginhawa sa akin mula sa pagpapahirap ng aking karamdaman at pagkasira ng aking espiritu. Nagpasya akong gawin nang maayos ang aking tungkulin at suklian ang Diyos sa Kanyang nagliligtas na biyaya. Nang makita ng asawa ko na gumagaling na ang pananakit ng ulo ko, pinilit niya akong ipagpatuloy ang pagnenegosyo, at malinaw kong sinabi sa kanya ang saloobin ko na ayaw ko nang magnegosyong muli. Nang makita niyang hindi ako makikinig sa kanya, ginamit niya ang diborsiyo para pagbantaan ako at sinabing kung patuloy akong maniniwala sa Diyos, hindi niya ako bibigyan ng perang panggastos. Nang makita ko kung gaano kawalang-puso ang asawa ko, nagsimulang manginig ang buong katawan ko sa sobrang galit. Muling lumitaw sa aking isipan ang mga eksena noong minamaliit ako ng mga tao noong bata pa ako. Talagang ayaw ko nang muling mamuhay nang ganoon. Nakaramdam ako ng sobrang panghihina. Kung hindi ako nanalig sa Diyos, maaari kong patuloy na tamasahin ang isang masaganang materyal na buhay at ang pagrespeto ng iba. Kung pipiliin kong gawin ang aking tungkulin sa lahat ng oras, mawawala ang lahat ng mayroon ako. Sobrang nasasaktan at nahihirapan ang puso ko, at walang tigil na umagos ang mga luha sa aking mukha. Sa isang panig ay ang aking tungkulin, at sa kabilang panig naman ay ang propesyong pinamahalaan ko sa loob ng maraming taon. Hindi ko alam kung paano pumili. Umiiyak akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Napakahina ko ngayon, at hindi ko alam kung ano ang dapat kong piliin. Kung patuloy kong gagawin ang aking tungkulin, mawawala ang aking propesyon at ang aking pamilya. Kung pipiliin ko naman ang aking pamilya at ang aking propesyon at tatalikuran ko ang aking pananalig sa Diyos at ang pagganap sa aking tungkulin, magiging isang tao akong walang konsensiya at katwiran. O Diyos, ayaw Kitang iwan. Kung hindi Mo ako ginabayan nang paunti-unti hanggang sa araw na ito, hindi ko matatahak ang tamang landas sa buhay. Dati, hindi ko hinangad ang katotohanan at hindi ko ginugol ang aking sarili para sa Iyo. Ngayon, hindi na ako maaaring maging hindi karapat-dapat sa Iyong pagsasaalang-alang. Gusto kong maayos na hangarin ang katotohanan at patuloy na sundan Ka nang pasulong. O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas upang makapagdesisyon nang tama.” Pagkatapos manalangin, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong parang kinakausap Niya ako nang harapan: “Sa hinaharap, dapat mong maayos na hangarin ang katotohanan. Huwag ka nang mamuhay nang bulgar, nang gaya ng ginawa mo noon.” Dati, hindi ko hinangad ang katotohanan, at hindi ko binasa nang sapat ang mga salita ng Diyos. Ibinuhos ko ang aking oras at lakas sa pagnenegosyo, labis kong inaksaya ang oras ko. Ngayon, kailangan kong pahalagahan ang oras na darating, at gaano man ako pinigilan ng aking pamilya, hindi ko pwedeng talikuran ang dakilang pagkakataong ito na hangarin ang katotohanan. Sinabi ko sa asawa ko, “Sa loob ng ilang taon na ito, nagkaroon ako ng mga karamdaman dahil sa pagtatangkang kumita ng pera. Kung hindi ako nanalig sa Diyos, matagal na akong namatay. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, tinatahak ko ang isang maliwanag at tamang landas ng buhay. Ngayong pinili ko na ang landas na ito, dapat kong sundan ito hanggang sa wakas. Hindi ka naniniwala sa Diyos, ngunit hindi mo maaaring hadlangan ang aking kalayaan.” Nang makita niyang hindi niya ako mapipigilan, mula noon, hindi na ako ginambala pa ng aking asawa tungkol dito. Matapos kong magpasya nang ganito, nakaramdam ng labis na paglaya ang puso ko. Pagkatapos niyon, ginampanan ko ang aking tungkulin sa lahat ng oras.

Kalaunan, kapag nakakakita ako ng mga kakilala na nagmamaneho ng kanilang mga kotse, nararamdaman ko pa rin na parang nawalan ako: Noong nagnenegosyo ako dati at nagmamaneho ng kotse, mataas ang tingin sa akin ng mga tao saan man ako magpunta. Ngayon, nakasakay na ako sa e-bike. Kapag nakikita ako ng mga dating kakilala at kliyente, hindi nila ako binabati, at halos lahat ng kakilala ko ay malamig ang pakikitungo sa akin. Bukod sa nawala ang dati kong reputasyon, sinalubong din ako ng galit ng aking pamilya: “Sampung taon kang nagpakapagod sa pagnenegosyo at pagkatapos ay kusa mo lang itong ipinasa sa iba. Kung hindi ka magnenegosyo, tingnan natin kung sino ang magbibigay pa rin sa iyo ng perang panggastos sa hinaharap. Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo. Talagang napakahangal mo!” Labis akong nabagabag dahil sa mga nakakasakit at mapanuring salita na ito. Nang mga araw na iyon, hindi ako mapalagay at nanlulumo ako araw-araw. Naisip ko, “Kung nagpatuloy ako sa pagnenegosyo, maaaring mataas pa rin ang tingin ng iba sa akin. Ngunit ngayon, kung wala ang aking negosyo, kung wala akong pera sa hinaharap, paano ako mabubuhay?” Bago ko pa namalayan, nahulog na naman ako sa mga panunukso ni Satanas, at kahit na ayaw ko, nagsimula akong mag-isip ng alternatibong plano. Habang sobrang tahimik ng paligid sa gabi, madalas akong hindi mapakali at hindi makatulog. Nagsimula akong magnilay-nilay, “Paanong sa tuwing nahaharap ako sa tukso ng pera, katanyagan, at katayuan, palaging nagugulo ang puso ko?” Gustung-gusto kong mahanap ang sagot sa tanong na ito. Kalaunan, nakita ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos: “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo.’ Nangingibabaw ito sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Sa pamamagitan ng inilantad ng mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang pinakaugat ng kung bakit hindi ako makawala sa gapos ng pera at katanyagan. Inalala ko ang madalas na ituro sa akin ng aking ama noong bata pa ako, “Mahirap ang ating pamilya, kaya paglaki mo, kailangan mong kumita ng mas maraming pera at magdala ng karangalan sa ating pangalan. Magiging maganda lang ang pagtingin ng mga tao sa atin kapag may pera tayo.” Nakatatak sa aking alaala ang mga salita ng aking ama. Naisip ko na sa loob ng ilang taon na ito, ang mga lason ni Satanas tulad ng “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” at “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa” ang nagtatakda kung paano ako namumuhay. Naniwala ako na makakapagsalita lang ako nang taas-noo at titingalain ng iba kung may pera ako. Para maging mataas ang tingin ng iba sa akin, walang kapaguran akong nagtrabaho nang araw at gabi na parang robot na kumikita ng pera. Kapag pagod o inaantok ako, ayaw kong magpahinga, at kapag may sakit ako, ayaw kong pumunta sa doktor. Dahil sa takot na mawalan ng kaunti sa negosyo, ibinuhos ko ang aking buong puso sa pagkita ng pera. Sa tuwing nagkakasabay ang aking negosyo at ang mga pagtitipon, aasikasuhin ko muna ang negosyo at pagkatapos ay pupunta na ako sa pagtitipon. Hindi ko kailanman inuna ang paghahangad sa katotohanan at paggawa sa aking tungkulin, at kapag abala ako sa aking negosyo, hindi na lang ako dumadalo sa mga pagtitipon. Masyado akong nalugmok sa pera at hindi ko maialis ang aking sarili, at lalo akong naging gahaman at imoral. Mula sa nilantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na nang malinaw sa wakas ang masamang motibo ni Satanas sa paggamit ng mga lason na ito para pinsalain ang mga tao. Nais nitong samantalahin ang mga ambisyon at pagnanais ng mga tao para sa paghahangad sa pera at katanyagan para pinsalain sila at lamunin nang buo. Kung hindi inilantad ng Diyos ang masamang motibo ni Satanas, talagang mahihirapan akong makita ang tusong pakana nito, at patuloy akong matatangay sa alimpuyo ng pera, ibinibigay ang aking buhay kay Satanas. Matapos na maranasan ito, naunawaan ko mismo na kahit gaano pa karaming pera, materyal na kasiyahan, at paggalang mula sa iba ang taglay ko, hungkag at nasasaktan pa rin ang puso ko. Ang buhay ko ay wala ni katiting na halaga o kahulugan. Kung hindi ko pa rin mabitawan ang mga interes sa harap ko at mahigpit pa rin akong kumakapit sa pera, kung gayon ay siguradong pahihirapan ako ng pera hanggang sa mamatay ako sa huli. Sa buhay na ito, napakapalad ko na sumusunod ako sa Diyos, at naririnig ko mismo ang mga salita ng Lumikha at ginagampanan ang aking tungkulin bilang isang nilalang. Ito ang bagay sa aking buhay na may labis na halaga at kahulugan. Hindi ko maaaring itapon ang katotohanan upang hangarin ang materyal na kasiyahan at paggalang ng iba. Sa halip, ang paniniwala at pagsamba sa Diyos ang layuning hinahangad ko. Ito ang panahon ng malakihang pagpapalawak ng ebanghelyo ng kaharian, at bilang isang nilikha, dapat kong tuparin ang aking responsabilidad at tungkulin, at ipalaganap at patotohanan ang ebanghelyo upang mas maraming tao ang maligtas ng Diyos. Ito ang halaga at kahulugan ng aking buhay. Matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, hindi na ako naimpluwensiyahan ng pera. Nang pumunta ako sa bahay ng aking mga magulang, hindi na nila ako pinagalitan dahil sa hindi ko pagnenegosyo, at kung minsan ay binibigyan pa nila ako ng pera para sa mga gastusin ko. Alam na alam ko na ang lahat ng ito ay ang biyaya at awa ng Diyos, at puno ako ng pasasalamat sa Kanya sa aking puso.

Naisip ko na sa paglalakbay na ito, kung hindi dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi ako makakaalpas sa kontrol ng lason ni Satanas na “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” lalong hindi ko mabibitiwan ang aking negosyo at hindi ko pipiliing gawin ang aking tungkulin. Naunawaan ko na ang pera, katanyagan, katayuan, mga kotse, bahay, at iba pa—lahat ng materyal na bagay na iyon ay lumilipas na parang lumulutang na ulap. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan, pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at paggawa ng isang tao sa kanyang tungkulin bilang isang nilalang, maipamumuhay ng isang tao ang isang buhay na may labis na kahulugan at halaga. Tulad ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay nakikilahok sa mga propesyon sa mundo, ang tanging iniisip nila ay ang paghahangad sa mga bagay tulad ng mga makamundong kalakaran, katanyagan at pakinabang, at kasiyahan ng laman. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na ang iyong lakas, oras, at kabataan ay pawang sinasakop at nilalamon ng mga bagay na ito. Makabuluhan ba ang mga ito? Ano ang makakamit mo mula sa mga ito sa huli? Kahit na magkamit ka ng katanyagan at pakinabang, wala pa rin itong magiging kabuluhan. Paano naman kung baguhin mo ang iyong paraan ng pamumuhay? Kung ang iyong oras, lakas, at isipan ay nasasakop lamang ng katotohanan at ng mga prinsipyo, at kung ang iniisip mo lang ay ang mga positibong bagay, tulad ng kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at paano humarap sa Diyos, at kung ginugugol mo ang iyong lakas at oras para sa mga positibong bagay na ito, kung gayon, iba ang makakamit mo. Ang makakamit mo ay ang mga pinakamakabuluhang pakinabang. Matututo ka kung paano mamuhay, paano umasal, paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay. Sa sandaling matuto ka na kung paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay, sa malaking antas, likas kang makapagpapasakop sa mga pamamanugot at pagsasaayos ng Diyos. Kapag likas kang nakakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo man lang mamamalayan na ikaw ay magiging isang uri ng tao na tinatanggap at minamahal ng Diyos. Pag-isipan mo ito, hindi ba’t magandang bagay iyon? Marahil ay hindi mo pa ito alam, ngunit sa proseso ng iyong pamumuhay, at ng iyong pagtanggap sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo mamamalayan na ikaw ay mamumuhay, titingin sa mga tao at bagay, at aasal at kikilos nang alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na hindi mo mamamalayan na magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos, at susunod at tutugon sa Kanyang mga hinihingi. Kung gayon, ikaw ay magiging isa nang uri ng tao na tinatanggap, pinagkakatiwalaan, at minamahal ng Diyos, nang hindi mo man lang namamalayan. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.) Samakatuwid, kung igugugol mo ang iyong lakas at oras para hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ang makakamit mo sa huli ay ang mga pinakamahalagang bagay.(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18). Matapos na mabasa ang mga salita ng Diyos, mas naunawaan ko ang halaga at kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Bagama’t ngayon ay hindi na ako kasingyaman gaya ng dati at ang aking mga pananamit ay hindi na kasingtingkad at kasingganda ng dati, tinatamasa ko ang pagtutustos ng buhay ng Diyos. Ito ay isang bagay na hindi makukuha ng isang tao kapalit ng anumang halaga ng pera. Naisip ko kung paanong sa paglipas ng mga taon ay paulit-ulit akong naghimagsik sa Diyos at sinugatan ko ang Kanyang puso, at kung paano ko tinanggihan ang Kanyang pagliligtas nang maraming beses upang hangarin ang pera. Hindi ko pinahalagahan ang dakilang pagkakataon na gawin ang aking tungkulin, ngunit nasa tabi ko palagi ang Diyos at hinintay Niyang magbago ako; hindi Siya sumuko sa pagliligtas sa akin. Pagkatapos kong huminto sa pagnenegosyo, hindi ako pinabayaan o hinayaang magutom ng Diyos, at patuloy Niyang ginawa ang lahat upang tustusan ako. Ang nagliligtas na biyaya ng Diyos ay hindi maaaring kalkulahin, lalong hindi ito masusuklian. Hinding-hindi ako magsisisi na pinili kong sundin ang Diyos sa buhay na ito. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas. Ang lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!

Sinundan: Ang Pinili ng Guro

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, TsinaIpinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon na mga magsasaka. Noong nag-aaral...

Ang Pagpili ng Isang Doktor

Ni Yang Qing, Tsina Noong bata pa ako, napakahirap ng pamilya ko. Paralisado ang aking ina, nakaratay, at buong taong umiinom ng gamot, at...

Pagsisisi ng Isang Doktor

Ni Yang Fan, TsinaNoong nagsimula akong magsanay ng medisina, lagi akong nagsisikap nang husto na maging mabait at propesyonal. Bukod pa...