Ang Isang Kapareha ay Hindi Isang Karibal

Setyembre 18, 2022

Ni Ou’zhen, Myanmar

Hindi nagtagal pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sinimulan kong isagawa ang pagdidilig sa mga baguhan. Dahil masigasig ako at maagap, nakagawa ako ng ilang resulta sa aking tungkulin, at napili bilang lider ng grupo. Kalaunan, naging diyakono ako ng ebanghelyo. Sabi ng mga kapatid ko, kahit na bata pa ako, maaasahan ako, nagdadala ako ng pasanin sa tungkulin ko, at responsable ako. Lubos na nagbigay ito ng kasiyahan sa aking banidad. Noong Oktubre 2020, ako ay naging isang lider ng iglesia, na mas lalong nagparamdam sa akin na sa puso ng aking mga kapatid, isa akong tao na may kakayahang hanapin ang katotohanan. Makalipas ang ilang panahon, isang nakatataas na lider ang nagsaayos na makatrabaho ko si Sister Liu. Noong itinuturo kay Sister Liu ang gawain, sinabi ng lider ang ilang problema sa aming iglesia. Matapos itong marinig, sinabi ni Sister Liu, “Kailangan nating mahanap ang ugat ng problema at agad itong lutasin. Kung hindi, mahahadlangan nito ang gawain ng iglesia.” Nahiya ako nang marinig kong sabihin niya ‘yon dahil nag-alala ako na mamaliitin ako ni Sister Liu dahil sa pagkakaroon ng mga problemang ito sa aking gawain. Sa mga sumunod na ilang araw, siniyasat ni Sister Liu ang totoong sitwasyon sa iglesia. Tapos, sinabi niya sa akin sa harap ng ilang kasamahan at mga kapatid, “Ang diyakono ng ebanghelyo at ilang lider ng grupong nakilala ko nitong nakaraang dalawang araw ay hindi nagdadala ng pasanin. Kapag may mga kuru-kuro at paghihirap ang mga baguhan, hindi nilulutas ng mga lider ng grupo ang mga ito o naghahanap, at sa halip ay nalulugmok sila sa mga problema. Hindi nila madidiligan nang maayos ang mga baguhan nang ganito.” Medyo nakaramdam ako ng pagtutol nang marinig ko ang sinabi niya, dahil may ilang lider ng grupo na pinagtuunan kong linangin. Ayon sa kanya, walang magaling sa kanila, kaya pakiramdam ko, parang masyado siyang maraming hinihingi. Naisip ko, “Kakarating mo lang at hindi mo alam ang mismong sitwasyon, pero nagsimula ka nang pumuna ng mga pagkakamali. Gusto mo bang ipakita na nagdadala ka ng pasanin at nakakahanap ng mga problema? Sinusubukan mo lang bang magmukhang magaling dahil bago ka rito? Kung patuloy kang maghahanap ng mga problema sa gawain ko, sisirain mo ang maganda kong imahe sa mga mata ng aking mga kapatid.” Pinigilan ko ang galit ko at sinabing, “Tama ka sa mga katanungang ito. Gayunpaman, ang mga lider ng grupo at ang diyakono ng ebanghelyo ay lahat nahaharap sa mga praktikal na paghihirap, kaya kung minsan, ang gawain ng pagsubaybay ay hindi nagagawa nang maayos, at kailangan natin itong unawain.” Matapos marinig ito, sabi niya, “Ang mga paghihirap na ito ay pwedeng malutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, magdadala sila ng pasanin at magiging responsable sa kanilang tungkulin. Ang susi ay kung nagbabahaginan ba tayo tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problemang ito.” Pero hindi ko ito tinanggap sa tamang paraan, mas lalo pa nga akong nagalit. Naisip ko, “Ibig mo bang sabihin, hindi ko kayang magbahagi tungkol sa katotohanan?” Ganap na nagbago ang pagtingin ko kay Sister Liu. Hindi ko na siya itinuring na aking kapareha at katulong, kundi kalaban ko. Naisip ko, kapag nagpatuloy ito, ‘di magtatagal ay pangungunahan niya ang gawain, pero ako ang lider, at nandito lang siya para makipagtulungan sa akin. Mas magaling siya sa akin sa lahat ng bagay, at palagi akong ipinapahiya. Paano ako magkakaroon ng anumang dignidad nito? At ano na lang ang iisipin ng mga kapatid ko sa akin? Pagkatapos nun, ayoko nang gumawa kasama siya, at ayoko na siyang kausapin. Minsan, sa isang pagpupulong ng magkakatrabaho, nabasa namin ang salita ng Diyos na nagbubunyag na ang mga huwad na lider ay hindi nagsasagawa ng praktikal na gawain, at pinagnilayan at inunawa ni Sister Liu ang kanyang sarili, sinasabing matagal-tagal na rin siyang nasa iglesia, pero dahil hindi siya gumawa ng praktikal na gawain, ang mga paghihirap ng mga baguhan ay hindi nalutas sa oras, kaya nanatili sila sa mga paghihirap, at hindi alam kung paano isasagawa ang katotohanan, na nakaantala sa kanilang paglago sa buhay. Kahit na tinatalakay niya ang pagkakilala niya sa sarili, sa pandinig ko, parang inilalantad niya ako sa hindi paggawa ng tunay na gawain. Sinimulan kong hulaan kung anong ibig niyang sabihin, “Tinatalakay mo ang mga problemang ito para sadyang ipaalam sa lahat ang tungkol sa mga problema sa gawain ko, hindi ba? Maganda ang tingin sa akin ng mga kapatid dati, pero ngayong inilantad mo ako nang ganito, hindi ba’t masisira nito ang imahe ko? Ano nang iisipin nila ngayon sa akin?” Nung panahong iyon, lubhang lumalaban ako at gustong umalis, pero naramdaman kong hindi makatwiran na gawin ito, kaya pinilit ko ang sarili ko na manatili hanggang sa huli.

Nung gabing iyon, pumunta sa akin si Sister Liu para talakayin ang eleksyon ng mga bagong lider ng grupo at tinanong ako kung sinong nagdadala ng pasanin ang pwede naming i-promote. Matapos niyang itanong ‘yon sa akin, sobra akong nakaramdam ng paglaban. Naisip ko, “May mga natitira pa bang karapat-dapat na kandidato? Tinanggihan mo na ang lahat ng magagaling. May mga problema sa ating iglesia, pero hindi mo lang tinatalakay nang hayagan ang mga ito rito, tinatalakay mo pa ang mga ito sa harap ng mga kapatid mula sa ibang mga iglesia. Ngayon alam na nila na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain. Bakit hindi mo iniisip ang damdamin ko kapag nagsasalita ka? Sa tingin ko, sinasadya mong targetin ako!” Mataray kong sinabi, “Simula nung dumating ka, wala nang iba pang nagdala ng pasanin.” Mahina niya akong sinagot, “Kung gayon, ibig mo bang sabihin, hindi ako dapat nandito?” Masyado akong naging mapusok, at napagtanto ko na mali ang sinabi ko, kaya agad akong sumagot na “Hindi.” Pareho kaming natahimik sa loob ng ilang saglit bago namin ipinagpatuloy ang pagtalakay sa gawain. Mayamaya, nung naalala ko kung anong sinabi ko sa kapatid ko, medyo nakonsensya ako. Hindi ko dapat siya pinagsalitaan nang gano’n. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya pagkatapos ng talakayan, pero no’ng naging abala ako sa gawain, nakalimutan ko ito.

Kalaunan, nung nakita ko na kinokonsulta ng nakatataas na lider si Sister Liu sa lahat ng bagay, labis akong nabalisa. “Isa rin akong lider. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Sasabihin ba nila na isa akong walang kwentang lider, at hindi ako kailangan?” Pakiramdam ko, inaagawan ako ni Sister Liu ng atensyon, at naiinggit ako sa kanya. Naisip ko, “Kung hindi siya dumating dito, sa akin tatalakayin ng lider ang gawain.” Naisip ko rin ang katunayang pinangungunahan na ni Sister Liu ngayon ang lahat ng gawain, at mas matagal na siyang nananalig sa Diyos at mas marami siyang nauunawaang katotohanan kaysa sa akin. Pinuna rin niya ang mga problema sa gawain ko sa harap ng aking mga kapatid, kaya hindi ko alam kung ano nang tingin sa akin ng mga kapatid ngayon. Kapag naiisip ko ang mga ito, nababagabag ako. Nag-aalala ako na kukunin ni Sister Liu ang posisyon ko sa pamumuno. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong hindi nasisiyahan, at gusto kong maghiganti sa kanya: “Wala kang pakialam sa damdamin ko, kaya simula ngayon, hindi ko gagawing madali ang mga bagay-bagay para sa’yo.” Naalala ko minsan, tinatalakay namin ang gawain, at matapos ipahayag ni Sister Liu ang kanyang opinyon, hiningi niya ang payo ko. Hindi ko siya pinansin at naghanap ako ng mali sa kanyang mga pagsasaayos ng gawain, sinasabing ito at iyon ay hindi uubra para sadya siyang pahirapan. May isang beses na tinatalakay namin ang isang trabaho na pangunahing responsibilidad ni Sister Liu. Nung panahong ‘yon, alam ko kung paano lutasin ang problema, pero ayokong magmungkahi. Naisip ko pa nga, “Mas maganda kung mabibigo ang mga pagsasaayos mo. Sa gano’ng paraan, malalaman ng lahat na hindi mo kayang pamahalaan ang mga bagay, at makikita ng lider na mali na palaging makipag-usap sa’yo kaysa sa akin.” Pagkatapos nun, gumawa siya ng ilang mungkahi, na tinanggihan ko lahat. Nung nakita kong hindi niya alam kung paano ito lutasin at gusto niyang bigyan ko siya ng ilang payo, medyo naging proud ako sa sarili ko. Naisip ko, “Ni hindi mo nga maisaayos nang tama ang gawaing tulad nito, pero ang lakas ng loob mong punahin ang gawain ko.” Nung panahong iyon, nakita ng lider ko na mali ang kalagayan ko at pinaalalahanan ako na kailangan kong makipagtulungan nang maayos kay Sister Liu, kundi, maaantala ang gawain ng iglesia. Matapos marinig ang sinabi ng lider ko, nakaramdam ako ng kaunting sumbat sa puso ko. Noong hindi kami makausad sa gawain namin, bakit hindi ako nagdala ng pasanin para lutasin ito? Sa halip, pinanood ko lang ‘yun nang nakangiti. Hindi ko talaga pinangangalagaan ang gawain ng iglesia. Matapos mapagtanto ito, inayos ko ang pag-iisip ko at nakilahok sa mga talakayan. Pero dahil sa pagkaantala mula sa nakaraang talakayan, sobrang huli nang naisaayos ang gawain. Isang gabi, pinuntahan ako ng lider para punahin ang aking mga problema. Sabi niya, “Ang pagnanais mo ng katanyagan at katayuan ay masyadong matindi. Nakikipagkumpitensya ka kay Sister Liu para sa kasikatan. Kapag tinatalakay ang gawain, hindi mo tinatanggap ang anumang mga pananaw na kanyang iminumungkahi. Pinabubulaanan mo ang lahat. Pakiramdam ni Sister Liu ay napipigilan siya dahil sa’yo, at hindi niya alam kung paano makikipagtulungan sa’yo. Kailangan mong pagnilayan ang sarili mo.” Matapos marinig ang sinabi ng lider, nakaramdam ako ng sobrang lungkot at pagkaagrabyado: “Bakit isinusumbong ni Sister Liu ang problema ko nang hindi ko alam? Kung talagang gusto niya akong tulungan, pwede niya namang sabihin sa akin nang personal. Ngayon, alam na ng lider ang tungkol sa mga problema ko at baka tanggalin ako sa tungkulin ko.” Sa sandaling maisip ko ito, ipinagtapat ko sa lider ang tungkol sa kalagayan ko. Nag-alok pa nga ako na magbitiw, para hindi na patuloy na maantala ang gawain ng iglesia. Habang sinasabi ko ang mga salitang iyon, halos madurog ang puso ko. Pakiramdam ko, mawawala na sa akin ang tungkulin ko. Sinabi sa akin ng lider, “Kapag may mga problema tayo, hindi natin maiiwasan ang mga ito. Kailangan nating hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang ating mga sarili. Ang kakayahan ni Sister Liu na makahanap ng mga problema sa gawain ay nagpapakita na kaya niyang magdala ng pasanin. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia? Bakit hindi mo ito matrato nang tama? Palagi kang naiinggit sa kanya at natatakot na malalagpasan ka niya. Ipinapakita nito na masyadong matindi ang pagnanais mo ng katayuan.” Matapos ang pagbabahagi ng aking lider, napagtanto ko na ang pagnanais ko ng katanyagan at katayuan ay talagang masyadong matindi. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang kalagayan ko. Hindi na ako pwedeng maging pasibo at lumalaban.

Pagkatapos nun, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa tiwaling disposisyon na inihayag ko. “Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya pinahihirapan nila ang sinumang naglalantad sa kanila, nakikipagkumpitensya sa kanya at nakikipaglaban sa kanya. Dahil sa kanilang likas na pagiging anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos o nagwawasto sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan o iwinawasto sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng galit sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan siya. Napakalaki ng galit nila sa iba! Ito ang iniisip nila at sinasabi nang hayagan sa harap ng iba, ‘Ngayon ay napungusan at naiwasto mo na ako, ngayon ay nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!’ Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mahabaging pagpupungos o pagwawasto sa kanila ng sinuman o ang taos na tulong ng sinuman bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali ng kanilang pinakamalaking kahihiyan. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, ang disposisyon nila ay pagkayamot at pagkamuhi sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III, Paglalantad sa mga Anticristo, Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)). Ibinunyag ng Diyos na kapag ang mga anticristo ay pinupungos at iwinawasto, hindi lang nila ito hindi tinatanggap, nagsisimula rin silang kamuhian ang taong nagpungos at nagwasto sa kanila at gusto nilang gumanti. Nakita ko na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, at napapagod sila sa katotohanan, at kinamumuhian nila ang katotohanan. Dati-rati, kapag nakikita ko ang mga salitang “paghihiganti laban sa mga tao,” sa isip-isip ko, masama ang pamamaraang ito. Naniwala akong hindi ako nagpapakita ng kasamaan at hindi ko kayang gawin ang mga bagay na ito, at na tanging mga anticristo at masasamang tao lamang ang maghihiganti sa mga tao. Binalikan ko ang sarili kong pag-uugali: Nung pinuna ni Sister Liu ang mga problema sa aking gawain sa harap ng mga katrabaho at mga kapatid, pakiramdam ko, nasira ang imahe ko, kaya nagkaroon ako ng masamang palagay at paglaban sa kanya. Sa isang pagpupulong, napagtanto ni Sister Liu na hindi siya gumawa ng praktikal na gawain batay sa mga salita ng Diyos, at pakiramdam ko, sinasadya niyang ibunyag ang mga problema sa gawain ko sa pamamagitan ng pagtalakay sa pagkakilala niya sa kanyang sarili, kaya ang pagkiling ko laban sa kanya ay lalo lang nadagdagan. Inatake ko pa nga siya, sinasabing wala nang sinuman na nagdala ng pasanin simula nung dumating siya. Pagkatapos nun, nung nakita ko na palaging tinatalakay ng lider ang gawain sa kanya, pakiramdam ko, inagawan ako ni Sister Liu ng atensyon. Para makaganti sa kanya, hindi ako nagpapahayag ng mga mungkahi kapag tinatalakay namin ang gawain, at nung ipinahayag ni Sister Liu ang kanyang mga iniisip at mungkahi, naghanap ako ng mga mali at tinanggihan siya, dahilan para maging imposibleng makausad ang gawain. Itinuring ko ang aking kapatid bilang isang karibal. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, kaya ko pa nga siyang atakihin at gantihan. Hindi ba’t ang disposisyon na aking inihahayag ay tulad ng sa isang anticristo? Higit pa roon, naisip ko ‘yong katunayan na pinupuna niya ang mga aktwal na problema sa gawain ko. Kung hinanap ko ang katotohanan para pagnilayan ang sarili ko at binaligtad ang mga paglihis, agad sanang nalutas ang mga problemang ito. Naging kapaki-pakinabang sana ‘yon sa gawain namin. Pero hindi ko lang ito hindi tinanggap, ginusto ko pang maghiganti laban sa kapatid ko. Hindi talaga ako karapat-dapat na tawaging isang mananampalataya ng Diyos!

Kalaunan, nakabasa ako ng dalawa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kabatiran sa diwa at mga kahihinatnan ng ganitong pag-uugali. Sabi ng Diyos, “Ang isa sa mga pangunahing katangian ng likas na pagkatao ng mga anticristo ay ang kasamaan. Ano ang kahulugan ng ‘kasamaan’? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos at nagwawasto sa kanila. Iyon ang masamang disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap na maiwasto at mapungusan ay madaling mabu-bully, at na ang mga taong palaging nagwawasto at nagpupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na batikusin at i-bully ang mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang nagwawasto at nagpupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at kalooban ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at masama ang tingin sa kanya. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. … Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kasamang disposisyon? Masasamang tao. Ang totoo ay masasamang tao ang mga anticristo. Samakatwid, masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kasamang disposisyon. Kapag nahaharap ang isang mabagsik na tao sa anumang uri ng pangaral, paratang, pagtuturo o tulong na may mabuting hangarin, ang saloobin niya ay hindi ang pasalamatan o tanggapin iyon nang mapagpakumbaba, kundi sa halip ay magalit nang husto, at makadama ng matinding pagkamuhi, poot, at maging ng hangaring maghiganti(Ang Salita, Vol. III, Paglalantad sa mga Anticristo, Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi)). “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mga manloloko, nakikipagsabwatan, at tampalasan, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, lahat ng gawin nila ay mababang uri, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang naloloko, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Hindi lamang sila walang takot sa Diyos, wala rin sila ni katiting na pagsunod. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao(Ang Salita, Vol. III, Paglalantad sa mga Anticristo, Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)). Ang makakita ng mga salita tulad ng “masama” at “masasamang tao” ay masakit at nagbigay ng takot sa puso ko. Hindi ko inasahang ang mga salitang ito ay magiging angkop sa akin. Nasira ang imahe ko dahil pinuna ng kapatid ko ang mga problema sa aking gawain, kaya inatake at ginantihan ko siya, sinasadyang ipahiya siya kapag tinatalakay ang gawain, at naghahanap ng mga mali sa kanyang mga pagsasaayos ng gawain. Ni hindi ako nagpaliwanag noong alam ko kung paano lutasin ang isang problemang mayroon siya sa kanyang gawain dahil gusto ko siyang ipahiya at pagtawanan. Nung inilantad at iwinasto ako ng lider, hindi ko lang hindi pinagnilayan ang sarili ko, kinamuhian ko pa siya dahil sa pagsusumbong sa mga problema ko. Negatibo ako at lumalaban, ibinaling ko ang galit ko sa aking tungkulin, at gusto ko pa ngang magbitiw at tumigil na sa paggawa ng tungkulin ko. Ang ipinakita ko ay tulad ng sa isang anticristo, isang masamang disposisyon! Ang mga pinaniniwalaan ko ay “Hindi kami aatake maliban na lang kung inatake kami” at “Kung malupit ka, huwag mo akong sisihin sa hindi pagiging patas.” Kapag may sinumang nakakaapekto sa mga interes at imahe ko, kinamumuhian, inaatake, at ginagantihan ko sila. Naalala ko ‘yong isang beses bago ako nanalig sa Diyos, nung nagkaroon ako ng sigalot sa isang kaibigan at nagsalita siya ng masama tungkol sa akin sa ibang tao. Sobrang nagalit ako, at naisip ko, “Kung malupit ka, huwag mo akong sisihin sa hindi pagiging patas.” Palihim kong sinabi sa taong pinagsabihan niya, “Paano ka naging estupido na nagagawa mong maging mabait sa kanya? Ni hindi mo alam na nagsasabi siya ng masasamang bagay tungkol sa’yo sa likod mo!” Akala ko mahina ako kung hindi ako gaganti matapos maapi. Ang pamumuhay sa ganitong pilosopiya ay ginawa akong sakim at masama, binaluktot ang aking pag-iisip, at ginawa akong walang kakayahang makakilala ng mabuti at masama. Nang mapagtanto ito, nagulat ako, at naramdaman ko rin na napakasama ko. Kapag hindi ko iwinasto ang kasamaan ko, makakagawa lang ako ng mas maraming kasamaan, at pagkatapos ay tatanggihan at palalayasin ng Diyos! Nung mapagtanto ito, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, inakala ko dati na may mabuti akong pagkatao, pero ipinakita ng paghatol at paghahayag ng Iyong salita na hindi maganda ang pagkatao ko at napakasama ko. Sa totoo pa nga, naghiganti ako sa kapatid ko para sa kanyang mabait na pagtulong. Talagang wala akong pagkatao! Diyos ko, gusto kong magsisi, magsagawa ng katotohanan, at baguhin ang sarili ko. Pakiusap, gabayan Mo ako.”

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para subaybayan o obserbahan ka, o tinatanong ka ng malalalim na tanong, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at iwinawasto at tinatabasan ka nila nang kaunti, at dinidisiplina, at pinagsasabihan, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng mga negatibong saloobin o damdamin tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mong tanggapin ang pangangasiwa, obserbasyon, at pagtatanong ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, obserbasyon, at pagtatanong sa iyo ng mga tao—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—nagagawa mo bang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Ang pagsusuri ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa sa pagtatanong ng mga tao; ang hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahirap, at malalim kaysa rito. Kaya kung hindi mo matanggap ang pagsubaybay ng mga hinirang ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang sinasabi mo na kaya mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos, dapat mo munang magawang tanggapin ang pagsubaybay ng sambahayan ng Diyos, mga lider at manggagawa, at mga kapatid(Ang Salita, Vol. IV, Mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). “Anumang mga isyu ang umiiral sa iyong kalooban o anumang uri ng katiwalian ang inilalantad mo, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos, o manghingi ka ng puna sa mga kapatid. Ang pinakamahalaga ay na dapat mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at lumapit sa Diyos upang humingi ng Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Paano mo man ito gawin, pinakamabuti kung tutukuyin mo nang maaga ang iyong mga isyu at lulutasin ang mga ito, na siyang resulta ng pagninilay sa iyong sarili. Anuman ang gawin mo, huwag mong hintayin na lamang na ilantad ka ng Diyos, sapagkat kapag nagkagayon ay huli na ang lahat!(Ang Salita, Vol. III, Paglalantad sa mga Anticristo, Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Nun lang matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos saka ko napagtanto, ang katunayang pinangangasiwaan at ginagabayan ako ng aking mga kapatid ay dahil lang seryoso at responsable sila sa kanilang gawain, at dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos at matutong tumanggap at sumunod. Tanging ito lang ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos at pagkakaroon ng isang pusong may takot sa Diyos. Nung nadiskubre ng kapatid ko ang mga problema ko at sinabi niya ang mga ito sa akin, ito ay para sana tulungan at saklolohan ako. Masyadong mababaw ang karanasan ko sa buhay. Nagkaproblema ang mga baguhan sa kanilang mga tungkulin, pero hindi ko kayang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga ito, at maraming beses na nagsaayos lang ako ng gawain at hinayaan na lang ang mga ‘yun, nang walang pangungumusta o pagtulong kalaunan. Hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasaayos ng mga tauhan, samantalang si Sister Liu ay nakakaunawa ng ilang katotohanan at malinaw na nakikita ang ilang bagay, kaya kung nagtulungan kami sa gawain ng iglesia, hindi lang sana ito nakatulong sa gawain, natuto pa sana ako sa kanya at mas mabilis akong bumuti. Noon ko lang naunawaan kung bakit hinihingi ng Diyos sa atin na makipagtulungan sa ating mga tungkulin, sa halip na gawin ang mga ito nang mag-isa. Ito’y dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya kailangan nating pangasiwaan ang isa’t isa, gabayan ang isa’t isa, at tulungan ang isa’t isa para maiwasan ang mga pagkakamali. Sa pag-iisip nito, labis akong nakonsensya. Hindi na ako pwedeng mamuhay para sa sarili kong katanyagan at katayuan. Kailangan kong matutuhang pakawalan ang aking sarili, tanggapin ang pangangasiwa at patnubay ng iba, makipagtulungan sa aking kapatid, hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problema sa gawain nang magkasama, at gawin nang maayos ang aking tungkulin.

Pagkatapos nun, gusto kong magtapat kay Sister Liu at ilantad at suriin ang sarili kong katiwalian, at humingi ng tawad sa kanya. Nagulat ako nung ipinadala ako ng lider ko sa ibang iglesia para gawin ang tungkulin ko. Matapos mahiwalay kay Sister Liu, naramdaman kong napakarami kong pagsisisi. Kaya, tahimik akong nagdasal sa Diyos, sinasabing mula ngayon, gusto ko nang gawin nang tama ang tungkulin ko at pagtuunan ang pag-ayos sa mga tiwali kong disposisyon. Kalaunan, sa bagong iglesia, iginugol ko ang sarili ko sa aking tungkulin. Naalala ko minsan, tinawag ako ni Sister Li na namamahala sa pagdidilig para kumustahin ang pagtitipon ng mga baguhan. Binigyan ako ng ilang payo ni Sister Li, “Palagi kang pumupunta sa ibang pagtitipon, at bihirang pumunta sa mga pagtitipon ng mga baguhan, kaya para bang wala ang lider. Wala sa mga kapatid ang nakakakilala sa’yo. Nagpapahirap ‘yan sa pangungumusta nang maayos sa kanilang mga kalagayan at paghihirap kalaunan.” Natigilan ako nang marinig kong sabihin niya ‘yon, at naramdaman kong umiinit ang ulo ko. Sa isip-isip ko, “Paano mo ako natawag na isang absent na lider? Ibig mo bang sabihin hindi ako gumagawa ng aktwal na gawain at na wala akong kwenta? Napakalupit mo! Hindi naman sa hindi ako gumagawa, kinukumusta ko ang ibang gawain. Dahil ikaw ang namamahala sa grupong ito, bakit hindi ikaw ang maging responsable para dito? Hindi naman kailangang ako ang gumawa ng lahat. Kapag nalaman ito ng mga nakatataas na lider, hindi ba’t iisipin nilang hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain? Hindi ito pwede. Kailangan kong maghanap ng ilang paglihis sa iyong gawain para pag-usapan …” Nang maisip ko ‘yon, napagtanto ko na mali ang kalagayan ko. Pinupuna ng kapatid ko ang mga problema sa aking gawain, at sa halip na tanggapin ito at magnilay, inisip kong masyado siyang malupit, at gusto kong maghanap ng mga problema sa kanyang gawain para pabulaanan siya. Tumatanggi akong tanggapin ang katotohanan at sinusubukan na namang maghiganti. Oras na mapagtanto ko ito, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, ang pagsasabi ni Sister Li sa akin ng isyung ito ngayon ay pagsasaayos Mo, pero lumalaban ako sa puso ko, na sumasalungat sa Iyong kalooban. Gusto kong sumunod at pagnilayan ang aking sarili.” Matapos kong magdasal, kumalma ako at nagsimulang pagnilayan ang aking sarili. Napagtanto ko na mayroon nga akong problema: masyado akong nakaasa kay Sister Li. Pakiramdam ko, dahil siya ang namamahala sa pagdidilig ng mga baguhan, pwede akong magrelaks at hindi masyadong makialam. Bilang isang lider ng iglesia, bihira kong nalalaman ang mga tunay na kalagayan at paghihirap ng mga baguhan. Hindi ko tinutupad ang aking mga responsibilidad. Ito talaga’y isang pagpapakita ng hindi paggawa ng praktikal na gawain. Pagkatapos nun, sinabi ko kay Sister Li, “Aayusin ko ulit ang oras ko. Hindi ko napagtanto ang problemang ito dati, pero gusto kong baguhin ito.” Kalaunan, nakipag-ugnayan ako sa mga baguhan at dumalo sa kanilang mga pagtitipon, at nagbahagi para lutasin ang kanilang mga kalagayan. Sa pagsasagawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan, lubos na gumaan ang loob ko. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na sa pagsasagawa ayon sa salita ng Diyos at pagkatutong tanggapin ang pangangasiwa, patnubay, pagpupungos, at pagwawasto ng aking mga kapatid, talagang makakamit ko ang ilang pagbabago.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Muling Pagsilang

Yang Zheng Lalawigan ng Heilongjiang Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya sa kanayunan na makaluma sa kanilang pag-iisip. Ako ay...

Leave a Reply

Kontakin Kami Gamit ang Messenger