Nakalaya Mula Sa Inggit

Oktubre 13, 2022

Ni Claude, France

Sa simula ng 2021, naglilingkod ako bilang tagapangaral at ipinareha kay Brother Matthew upang mamuno sa gawain ng iglesia. Kasisimula ko pa lang sa tungkuling iyon at marami pa akong hindi naiintindihan, kaya madalas akong lumapit sa kanya na may mga tanong. Sa panahong iyon, madalas na sinasabi sa akin ni Matthew ang mga tiwaling disposisyon na ipinakita niya sa kanyang tungkulin. Sa paglipas ng panahon, bumaba ang tingin ko sa kanya. Akala ko’y hindi ako kasingtiwali niya, at hindi kapaki-pakinabang para sa akin na maipareha sa kanya. Inakala ko na mas magaling ako sa kanya. Naisip ko pa nga: “Paano siya naunang naging tagapangaral? Ako ang lider niya noon. Dapat ako ang nagsasabi sa kanya kung paano maging tagapangaral, hindi ang kabaligtaran nito. Dahil nauna siyang naging tagapangaral, mas mataas ang tingin ng lahat sa kanya.” Hindi ko ito basta matanggap, at alam kong mas marami akong magagawa kaysa sa kanya. Para higitan siya, madalas kong ipagkumpara ang gawain namin. Halimbawa, kapag sinasabi sa akin ni Matthew na wala siyang sapat na oras para asikasuhin ang lahat ng kanyang gawain, natutuwa ako, dahil alam ko na natapos ko na ang lahat ng gawain na responsibilidad ko at sa gayon, magiging mas mataas ang tingin sa akin ng nakatataas na pamunuan. Pero sa aking pagkabigla, mahusay na nagawa ni Matthew ang gawain na responsibilidad niya. Isang araw, inatasan kami ng lider na maghanap ng ilang tao na maaaring sanayin bilang manggagawa sa pagdidilig. Sa loob lamang ng dalawang araw, nakahanap na agad si Matthew ng 3 kandidato. Nataranta ako, at inisip: “Kailangan kong bilisan. Kailangan kong pantayan man lang ang bilang ng kay Matthew. Kung hindi, mas pupurihin siya kaysa sa akin.” Kaya, sa loob lamang ng tatlong araw, nakahanap ako ng pitong tao. Nakaramdam ako ng labis na kasiyahan dahil naging mas magaling ako kaysa kay Matthew. Pero nang tanungin ako ng lider tungkol sa lagay ng mga kandidato, napagpasyahan niya na wala ni isa sa kanila ang angkop na maglingkod bilang manggagawa sa pagdidilig. Hindi ko naintindihan ang tunay nilang kalagayan noong tinutukoy ko sila bilang mga kandidato. Pero kinilalang angkop ang lahat ng kandidato ni Matthew— mayroon silang kakayahan, mabuting pagkatao, mahal nila ang katotohanan at handa silang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Ang nakalipas na tatlong araw na trabahong iyon ay pawang naging walang kabuluhan at labis akong nalungkot. Nagsimula na rin akong mainggit kay Matthew. Bakit lagi siyang nakakukuha ng ganoon kagagandang resulta sa kanyang tungkulin? At bakit ako’y hindi? Masigasig niyang ibinabahagi ang mga salita ng Diyos sa aming mga grupo, at kinukumusta pa nga ang gawain na responsibilidad ko— wala talagang paraan upang maitangi ang aking sarili habang nasa paligid siya. Inis na inis na ako sa kanya at nagsimula pa nga akong mamuhi sa kanya. Bakit kailangan kong gampanan ang aking tungkulin kasama siya? Ayaw kong mapansin siya nang husto at hiniling ko na hindi siya makakuha ng mga resulta sa kanyang gawain. Patuloy akong nakipagpaligsahan para sa katanyagan at hindi ko binago ang aking pag-uugali.

Sa panahong iyon, pinamamahalaan ko ang gawain ni Sister Anais, na isang lider ng iglesia. Nasa masama siyang kalagayan dahil hindi niya nagagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, kung kaya’t pinapunta ako ng aking lider upang bigyan siya ng suporta. Pero nang kontakin ko siya, sinabi niyang kinausap na niya si Matthew upang maghanap at magbahagi, at ibinahagi na ni Matthew ang mga salita ng Diyos sa kanya at tinulungan na siyang lutasin ang kanyang problema. Dahil dito, naramdaman kong wala akong silbi. Talagang hindi ako natuwa na nakialam si Matthew sa aking gawain. Ang lider na ito ng iglesia ay nasa ilalim ng aking pamamahala at ayaw kong isipin ng mga tao na hindi ko ginagampanan ang aking tungkulin at nilulutas ang mga problema. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong nagagalit at talagang ayaw ko nang makapareha si Matthew. Gusto kong gumawa nang mag-isa dahil sa ganoon lamang ako mapapansin ng mga tao. Pagkatapos nun, sinubukan kong iwasan siya habang tinutupad ang aking mga tungkulin. Isang beses, hiniling sa akin ni Matthew na talakayin ko ang isang problema na ibabahagi namin sa isang pagtitipon. Tinawagan at tinext niya ako, pero sinadya kong hindi siya pansinin. Wala akong gustong talakayin sa kanya. Kapag nagtatanong siya sa akin tungkol sa gawain, hindi ako sumasagot kaagad, at nang hilingin niya sa akin na magbahagi sa isang pagtitipon, sinadya kong manahimik at sinabi ko sa kanyang siya na lamang ang magbahagi. Naisip ko sa aking sarili: “Tutal, hangga’t narito ka, hindi ako mapapansin ng mga kapatid. Kaya ano pang silbi ng pagbabahagi?” Sa isang pagtitipon, tinanong ni Matthew ang aking opinyon matapos niyang magbahagi. Sa tingin ko masyado siyang maraming naibahagi at nasabi niya na ang lahat ng gusto kong sabihin, kaya hindi ako natuwa. Kaya, sinabi ko sa kanya: “Nagbabahagi ka nang may mapagmataas na disposisyon. Hindi mo inilantad ang iyong tiwaling kalikasan, at bahagya mo lang tinalakay ang ilan sa iyong naunawaan. Nagbigay ka lamang ng balangkas, pero bigo kang talakayin ang mga detalye.” Alam kong hindi tumpak ang aking sinabi⁠—sinadya ko itong sabihin. Gusto ko lamang bawasan ang kanyang sigla, para hindi na siya gaanong magsalita sa mga susunod pang pagtitipon. Kapag nagpapadala siya sa akin ng mga mensahe na kinukumusta ako o patungkol sa ibang bagay, hindi ako sumasagot. Naisip ko na sa ganoon ay malalaman na niya na ayaw kong makapareha siya. Gusto ko pa ngang tumigil siya sa pagpapadala sa akin ng mga mensahe. Nais ko lang na umalis siya at bigyan ako ng pagkakataong ipakita ang aking mga talento. Gusto ko ring gawin nang buong oras ang tungkulin ko gaya niya, para sa tuwing kailangan ako ng mga kapatid, naroon ako agad para sa kanila. Sa gayong paraan, tataas ang tingin nilang lahat sa akin. Ninais kong tumigil sa aking makamundong trabaho at ganap na ilaan ang sarili ko sa aking tungkulin, pero kailangan ko pa rin ng trabaho para kumita at tustusan ang aking pamilya. Nalumbay ako na hindi ko mailaan nang buong oras ang aking sarili sa aking tungkulin gaya ni Matthew. Naisip ko pa nga: “Dapat sigurong tumigil na ako sa pagiging tagapangaral. Sa gayong paraan hindi ko na kailangang makapareha si Matthew. Hindi niya na ako maiimpluwensiyahan kung lilipat ako sa ibang tungkulin at maitatangi ko na ang aking sarili.” Pero noong naisipan ko na talagang huminto, medyo nakonsensya ako at hindi ko alam kung anong gagawin. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong maunawaan ang aking kasalukuyang kalagayan.

Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang mga tungkulin ay mula sa Diyos; responsibilidad at atas ang mga ito na ipinapasa Niya sa tao. Kung gayon, paano dapat unawain ng tao ang mga iyon? ‘Dahil ito ay aking tungkulin at atas ng Diyos sa akin, ito ay aking obligasyon at responsibilidad. Tama lamang na dapat ko itong tanggapin nang may moral na obligasyon. Hindi ko maaaring tanggihan o ayawan ito; hindi ko mapipili ang gusto ko. Kung ano ang dumating sa akin ay iyon talaga ang dapat kong gawin. Hindi naman sa hindi ako karapat-dapat na mamili—hindi lang talaga ako dapat mamili. Ito ang katuturang dapat mayroon ang isang nilikha’(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ating mga tungkulin ay ipinagkaloob ng Diyos. Dapat kong panghawakan ang aking tungkulin at tuparin ang aking mga responsibilidad. Hindi ko dapat iwasan ang mga responsibilidad at maging mapili. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin. Para sa akin, dahil hindi natupad ang aking maalab na pagnanais na malampasan si Matthew, ninais kong tumigil sa aking tungkulin. Napakasakit nito para sa Diyos! Hindi ko itinuring na responsibilidad ang aking tungkulin, kundi paraan upang maitangi ang aking sarili, at paraan upang makakuha ng respeto at paghanga. Ninais kong umalis sa aking trabaho at maglaan ng buong oras sa aking tungkulin hindi para mapalugod ang Diyos sa pagtupad sa tungkuling iyon, kundi sa halip ay para makipagpaligsahan sa kapareha ko para sa katayuan at malampasan siya. Noong hindi ko magawa nang buong oras ang aking tungkulin dahil sa mga alalahaning praktikal, ninais kong lumipat sa ibang tungkulin upang magkaroon ng pagkakataon na maitangi ang aking sarili. Ipinakita sa akin ng realidad na ang lahat ng aking ginawa ay hindi talaga para gampanan ang aking tungkulin, kundi para gamitin ito bilang pagkakataon na makipagpaligsahan para sa katayuan. Kinasusuklaman ng Diyos ang gayong pag-uugali.

Nang maglaon, nakakita ako ng ilan sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan na ng kamatayan nang hindi mabilang na beses, at di-mabilang na mababangis na hukom ang humatol na sa Diyos at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang natatawag na matuwid dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). “Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito! Iniisip lamang ang sariling mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sariling mga hangarin, hindi nagpapakita ng konsiderasyon sa iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan siyang sumailalim sa pagsasanay at gumanap ng tungkulin, sa gayon ay nagdaragdag ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang iyong gawain? Kung gayon, hindi mo ba maipapamuhay ang iyong katapatan sa tungkuling ito? Isa itong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensya at katinuan na dapat taglayin ng isang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kasalukuyan kong kalagayan. Sabi ng Diyos, “Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito!” Ang mga salitang ito ang katotohanan, at inilantad ng mga ito ang tunay kong kalagayan. Nang makita ko na mas maganda ang nakuhang mga resulta ng aking kapareha kaysa sa akin, at mas mahusay siyang lumutas ng mga problema ng mga kapatid, naramdaman ko na mas mahusay siya kaysa sa akin at hinding-hindi ko maitatangi ang aking sarili kung naroon siya. Kaya kinainggitan at ibinukod ko siya at ayaw kong makapareha siya. Sadya kong hindi pinansin ang kanyang mga mensahe at hindi ko sinagot ang kanyang mga tawag. Noong ibinahagi niya ang kanyang mga naranasan at naunawaan, hindi ako nakipagtulungan sa kanya upang mapanatili ang buhay-iglesia, sa halip ay sinubukan kong tukuyin ang kanyang mga kamalian. Sinadya ko pa ngang tawagin siyang mayabang at inatake siya upang mabawasan ang kanyang sigasig at tumigil na itangi ang kanyang sarili at lampasan ako. Masyado akong mapaghangad ng masama. Sa tuwing kailangan kong gampanan ang tungkulin ko kasama siya, sobra akong nahihirapan. Gusto ko palaging makipagpaligsahan sa kanya at ganap na walang kakayahang manatiling kalmado. Katulad lang ito ng sinabi ng Diyos: “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos?” Dahil hindi kailanman natugunan ang pagnanais ko para sa katanyagan at katayuan, nagsimula kong kamuhian ang aking kapareha. Gusto ko lang lumayo at iwaksi ang sarili ko sa kanya para makagawa ako nang mag-isa. Naisip ko pa nga na umalis sa aking tungkulin. Napagtanto ko kung gaano ako naging mapaghangad ng masama at hindi makatao. Wala akong ipinagkaiba sa mababangis na hayop na nanghuhuli ng kanilang pagkain, handang makipaglaban at mangalmot para sa sarili kong mga interes. Inisip ko lamang ang aking sarili, hindi ang gawain ng iglesia. Kahit pa maantala ang gawain ng iglesia, hindi ako mangangamba o matataranta. Napakamakasarili at napakasama ko! Inisip ko rin kung bakit hindi ko talaga magawang magkaroon ng payak at maayos na pakikisama kay Matthew. Napagtanto ko na sa aking pananalig, napatapak ako sa maling landas dahil sa aking satanikong disposisyon. Kung hindi ko hahanapin ang katotohanan at lulutasin ang aking tiwaling disposisyon, maiwawala ko ang gawain ng Banal na Espiritu at mahuhulog ako sa kadiliman. Ilang beses akong nanalangin sa Diyos, hinihiling na tulungan Niya akong maunawaan ang aking sarili at malutas ang aking tiwaling disposisyon.

Pagkatapos, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang kasabihan ng mga anticristo, kahit nasaang grupo man sila? ‘Dapat akong makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Makipagkompitensya! Dapat akong makipagkompitensya upang maging pinakamataas at pinakamalakas!’ Ito ang disposisyon ng mga anticristo; kahit saan sila pumunta, sila ay nakikipagkompitensya at sumusubok na kamtin ang kanilang mga layon. Sila ang mga tagasunod ni Satanas, at ginagambala nila ang gawain ng iglesia. Ang disposisyon ng mga anticristo ay ganito: Nagsisimula sila sa pagtingin-tingin sa iglesia para makita kung sino ang maraming taon nang nananalig sa Diyos at mayroong kapital, sino ang may ilang kaloob o espesyal na kasanayan, sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay, sino ang lubos na pinahahalagahan, sino ang may mataas na ranggo, sino ang pinupuri ng mga kapatid, sino ang may mas maraming positibong bagay. Ang mga taong iyon ang magiging kakompitensiya nila. Sa kabuuan, tuwing nasa isang grupo ng mga tao ang mga anticristo, ito ang palagi nilang ginagawa: Sila ay nakikipagkompitensya para sa katayuan, nakikipagkompitensya para sa magandang reputasyon, nakikipagkompitensya para sa huling salita sa mga bagay-bagay at pinakamataas na kapangyarihan upang gumawa ng mga desisyon sa grupo, na, kapag nakamit na nila ito, ay nagpapasaya sa kanila. … Ganito kayabang, kamuhi-muhi, at hindi makatwiran ang disposisyon ng mga anticristo. Wala silang konsensya ni katwiran, ni wala sila kahit kaunting bahid ng katotohanan. Nakikita ng isang tao sa mga kilos at gawa ng isang anticristo na ang ginagawa niya ay wala sa katwiran ng isang normal na tao, at bagama’t maaaring magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya iyon tinatanggap. Gaano man katama ang sinasabi mo, hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Ang tanging gusto niyang hangarin ay reputasyon at katayuan, na kanyang pinagpipitaganan. Basta’t natatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan, kontento na siya. Pinaniniwalaan niyang ito ang kahalagahan ng kanyang pag-iral. Anumang grupo ng mga tao ang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang ipakita sa mga tao ang ‘liwanag’ at ‘init’ na ibinibigay niya, ang kanyang mga espesyal na talento, ang kanyang pagiging natatangi. At ito ay dahil naniniwala siyang espesyal siya kaya likas sa kanyang isipin na dapat siyang tratuhin nang mas mabuti kaysa sa iba, na dapat siyang tumanggap ng suporta at paghanga ng mga tao, na dapat siyang tingalain ng mga tao, sambahin siya—iniisip niyang ang lahat ng ito ay naaangkop sa kanya. Hindi ba garapal at walang kahihiyan ang gayong mga tao? Hindi ba problema ang magkaroon ng gayong mga tao sa iglesia?(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nalaman ko ang kalubhaan ng aking mga kilos. Lumalabas na sa paghahanap ko ng katanyagan, katayuan at paghanga ng iba sa aking tungkulin, nagpapakita ako ng anticristong disposisyon. Nang makita ko na ang pagbabahagi ng katotohanan ni Matthew ay nakapagbibigay ng kaliwanagan, na nagkakaroon siya ng mga resulta sa kanyang tungkulin at pinupuri siya ng lahat ng kapatid at lumalapit sa kanya upang magtanong, kinainggitan ko siya. Upang malampasan siya at magkaroon ako ng katayuan sa mga puso ng iba, inisip ko pa na tumigil sa aking trabaho nang magkaroon ng buong oras sa aking tungkulin upang naroon ako sa panahong kailangan ako ng kahit sino para lutasin ang kanilang mga problema. Sa gayong paraan, tataas ang tingin sa akin ng iba at hindi na magkakaroon ng espesyal na puwang sa kanilang mga puso ang kapareha ko. Sa tuwing gumaganap ako ng mga tungkulin kasama si Matthew, pakiramdam ko lagi, para akong nabubuhay sa kanyang anino at wala akong pagkakataon na maitangi ang aking sarili. Hindi ko nagugustuhan kung paanong lagi niyang nakukuha ang paghanga at papuri ng mga kapatid at umaasa pa nga ako na sana walang sumagot sa kanya kapag nagpapadala siya ng mga mensahe sa group chat. Dahil sa kanya, walang sinuman sa mga kapatid ang nakapansin sa akin, kaya ginugol ko ang buong oras ko sa pakikipagtunggali sa kanya, umaasa na malampasan siya at mapahanga at mapasamba sa akin ang mga kapatid. Ito ang klase ng pag-uugaling madalas kong ipakita sa pagtatangka kong makamit ang katanyagan at katayuan. Nang hindi natugunan ang aking ambisyon at pagnanais, inisip ko na wala na akong anumang pagkakataon para maitangi ang aking sarili, at ninais na huminto sa pagiging tagapangaral, sa pag-aakalang magkakaroon ako ng pagkakataong maging kilala sa ibang tungkulin. Napagtanto kong wala na sa kontrol ang aking pagkahumaling sa katanyagan at katayuan. Para na akong isang anticristo sa aking pagmamahal sa katanyagan at katayuan— ang pagnanais na ito ay nakaugat nang malalim sa aking kalooban, ito ay nakatanim sa aking kalikasan. Napagtanto ko na lubhang mapanganib ang landas na tinatahak ko. Hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos—Siya ay matuwid. Kung hindi ko hahangarin na gumawa ng pagbabago, at tutuon lamang sa pakikipagpaligsahan para sa katanyagan at katayuan nang hindi iniisip kahit kaunti ang gawain ng iglesia, tatanggihan at palalayasin ako ng Diyos. Labis akong nasuklam sa aking mga ikinilos at hindi ko na nais na makipagpaligsahan pa sa aking kapareha para sa katayuan. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling na tulungan Niya akong makawala sa mga tanikala at gapos ng aking satanikong disposisyon.

Pagkatapos ay nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang direksyon o puntirya ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at katanyagan, at kung nahihirapan kang isantabi ang mga bagay na ito, maaapektuhan nito ang pagpasok mo sa buhay. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensyahan ang direksyon ng buhay mo at ang mga mithiing pinagsusumikapan mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa realidad ng katotohanan, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman naisasantabi ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong magampanan nang sapat ang iyong tungkulin, kaya mahihirapan kang maging katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at nililinis ng Diyos. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkumpitensya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa likas na katangian, hindi ba't ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan(Ang Salita, Vol. III. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang patuloy kong paghahangad ng katayuan ay hindi lamang nakahadlang sa aking kakayahang gawin ang aking tungkulin, nakapigil din ito para maging kuwalipikado ako bilang isang nilikha. Dahil palagi kong hinahangad ang katayuan, palaging sinusubukang malampasan si Matthew at makamit ang paghanga ng lahat, at palagi akong nakikipagpaligsahan at nakikipagkompitensya, mas lalo akong naging mapaghangad ng masama at kulang sa normal na pagkatao. Nakita ko kung paanong ang paghahangad ng katanyagan at katayuan ay hindi ang tamang landas, at kung paanong ito’y isang daang salungat sa Diyos na patungo sa kapahamakan. Dahil tinanggap kong isa akong nananalig at isang nilikha, dapat akong tumuon sa paghahangad ng katotohanan at tumigil na magpakahirap para sa isang bagay na walang silbi gaya ng paghahangad ng katanyagan at katayuan. Sa gayon ko lamang maiiwasan ang paggawa ng masama at paglaban sa Diyos. Kaya nagdasal ako sa Diyos, sinasabing: “Mahal kong Diyos! Nakilala ko na ang aking satanikong kalikasan. Dahil sa pagkahumaling ko sa katanyagan at katayuan, madalas kong kainggitan si Matthew at ayaw kong makapareha siya. Mahal kong Diyos! Mula ngayon, magsisisi na ako sa Iyo at hindi na maghahangad ng katanyagan at katayuan. Hahangarin ko na lamang ang katotohanan at gagawin nang maayos ang aking tungkulin. Tulungan at gabayan Mo po sana ako, Diyos ko.”

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong katayuan, hanapin ang tamang katayuan para sa inyo, at gampanan ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; ito lamang ang taong may katuturan. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa isang propesyon at nauunawaan ang mga prinsipyo nito, at dapat nilang tanggapin ang responsibilidad na iyon at gawin ang panghuling pagsisiyasat sa larangang iyon; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, upang magawa ng sinumang iba na mapabuti ang kanilang mga ideya at magampanan nang mas mahusay ang kanilang tungkulin—dapat silang magbigay sa gayon ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang katayuan para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong katayuan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Naisip ko: “Isa akong karaniwang tao— dapat naghahangad ako na maging isang tunay na nilikha, na tumayo sa lugar ko, magtrabaho nang maayos kasama ang iba at gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Ito lamang ang tamang landas.” Naisip ko kung paanong noong inutusan ng Diyos si Adan na pangalanan ang mga hayop, sinang-ayunan Niya ang mga pangalang naisip ni Adan— hindi Niya tinanggihan si Adan at gumawa ng sariling mga pangalan upang ipakita kung gaano Siya mas higit na dakila, bagkus tinanggap niya ang mga pinili ni Adan. Ipinakita nito sa akin na ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos ay tunay na kaibig-ibig. Ang Diyos ay kataas-taasan, ang Panginoon ng lahat ng nilikha, gayunpaman, mapagpakumbaba Niyang itinatago ang Kanyang sarili. Samantalang ako, isa lang akong karaniwang nilikha, pero palagi kong nais na magpakitang-gilas at makuha ang respeto ng iba, at sinubukan pang supilin ang mga nakakukuha ng magagandang resulta sa kanilang tungkulin alang-alang sa sarili kong katayuan at reputasyon. Napakayabang ko talaga at hindi makatwiran! Labis kong pinagsisihan ang aking ginawa, kaya lumapit ako sa Diyos upang magsisi at manalangin sa Kanya, humihiling na bigyan Niya ako ng katapangan na ilantad ang aking sarili sa harap ng aking kapareha.

Kalaunan, nilakasan ko ang aking loob at humingi ng tawad kay Matthew, inilalantad ang aking anticristong disposisyon na naipamalas sa pagnanais kong palihim na makipagpaligsahan sa kanya para sa katanyagan at katayuan. Matapos kong magsagawa sa gayong paraan, nakaramdam ako ng higit na kapayapaan. Kalaunan, nakahanap si Matthew ng ilan sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa aking kalagayan at talagang nakatulong ang mga iyon sa akin. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos! Sumumpa ako sa Kanya na aasal ako ayon sa hinihingi Niya. Pagkatapos nun, pinapansin ko na ang mga mensahe ng aking kapareha at nagsimula na akong maging aktibo sa pagsasabi sa kanya tungkol sa lagay ng lahat ng proyekto na responsibilidad ko, na nagpapahintulot sa kanya na manatiling may alam sa aking gawain at mapamahalaan at masuportahan niya ako. Tinatalakay namin ang aming gawain at magkatuwang kami sa mga pagtitipon at pagbabahaginan. Pinupunan namin ang isa’t isa at itinataguyod ang gawain ng iglesia bilang magkakampi. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Gitna ng Panganib

Ni Li Xin, TsinaNoong Disyembre 2011, sunud-sunod na inaresto ang mga kapatid na mula sa iba’t ibang iglesia. Isinaayos ng aming iglesia na...