Lakas Ko sa Buhay ang Salita ng Diyos

Disyembre 10, 2019

Ni Xu Zhigang, Munisipalidad ng Tianjin

Noon, masyado akong naimpluwensyahan ng mga tradisyunal na pamantayan ng Tsina, at ginawa kong mithiin sa buhay ang pagbili ng lupa para sa aking mga anak at mga apo. Upang matupad iyon, nilaan ko ang sarili ko sa pag-aaral tungkol sa automotive repair technology. Nagbukas din ako ng isang talyer, at naging maayos naman ang negosyo. Noong panahong iyon sa buhay ko, naniwala akong kontrolado ko ang kapalaran ko, kaya nang pinangaral sa akin ng hipag ko ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hindi lang ako tumanggi na tanggapin iyoon, talagang kinutya ko pa siya, dahil naramdaman kong kaya ko ring mabuhay nang mabuti kahit hindi naniniwala sa Panginoon. Gayunpaman, hindi nagtagal ang masayang panahon. Lumala nang lumala ang negosyo sa talyer, at kahit anong pagsisipag ang gawin ko, hindi ko mapabuti ang lahat. Labis kong pinagod ang sarili ko para mabago ang sitwasyon, at napagod ako at naging miserable, kaya uminom ako ng alak maghapon para mapawi ang pagkabalisa ko. Hanggang sa, isang araw, hindi ako naging maingat habang nagmamaneho at nasangkot ako sa isang aksidente. Hindi na makilala ang kotse ko dahil sa sobrang pagkawasak, ngunit sa kabutihang palad, mahimala akong nakaligtas. Hindi nagtagal, noong tagsibol ng 1999, ipinangaral sa akin ng aking asawa ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos. Naunawaan ko ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at nalaman kong ang dahilan kaya ako nabubuhay sa isang miserable, at kaawa-awang estado ay dahil tinanggap ko ang mga prinsipyo sa buhay na itinuturo ni Satanas sa mga tao. Ginusto kong umasa sa sarili kong pagsisikap para makabuo ng isang masayang tahanan para sa aking sarili, at ang naging resulta ay nalinlang ako hanggang sa puntong nakita ko ang sarili ko sa matinding paghihirap, at halos mawalan na ng buhay. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagligtas sa akin mula sa bingit ng kamatayan at nagdala sa akin sa Kanyang tahanan, at lubos akong nagpapasalamat sa Kanya dahil sa Kanyang awa para sa akin. Simula noon, araw-araw akong nagbasa ng salita ng Diyos, at dumalo sa mga pagtitipon at nagbahagi sa aking mga kapatid, at napuno ng liwanag ang aking puso. Ikinatuwa ko iyon, at nagalak ako na natagpuan ko ang tunay na daan sa buhay. Gayunpaman, kalaunan, naging puntirya ako ng pag-aresto ng gobyernong CCP dahil sa aking paniniwala sa Diyos, at napilitan akong iwan ang pamilya ko at magtago. Noong panahong iyon, kahit dumanas ako ng mga panahon ng kahinaan, naniwala akong saan man ako pumunta at gaano man ako tugisin ng mga demonyo ni Satanas, gagabayan ako ng mga salita ng Diyos. Matapos ang mahigit sampung taon, sa patnubay at pagkakaloob ng salita ng Diyos, unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan, at naging tunay na ganap ang buhay ko. Sa buong panahong sumunod, noong inaresto ako at inusig, mas praktikal kong naranasan na ang salita ng Diyos ang aking lakas sa buhay, dahil ang salita ng Diyos ang tumulot sa akin na tumayong matatag, tuwid, at walang takot sa gitna ng malupit na pagpapahirap ni Satanas, kaya sa wakas nagawa kong lubos na hiyain si Satanas. Matapos ang karanasang ito, lalo kong pinahalagahan ang salita ng Diyos, at hindi ako maihiwalay sa salita ng Diyos kahit isang saglit.

Isang araw noong Pebrero ng 2013, nasa labas ako at nagpapakalat ng ebanghelyo kasama ang maraming mga kapatid, ngunit sa aming pagbalik, pinatigil kami ng isang sedan. Tatlong pulis ang lumabas sa kotse at tinanong ang aming mga pagkakakilanlan, at nang marinig nila ang kakaiba kong punto, pwersahan nila akong kinapkapan nang wala man lang binibigay na dahilan. Inagaw nila mula sa mga bulsa ko ang isang card ng Agricultural Bank of China na naglalaman ng mahigit sa 700 yuan, mahigit 300 yuan na pera, isang cell phone, isang MP5 player, at ilang impormasyong pang-ebanghelyo. Sa sandaling nalaman ng isa sa mga opisyal na naniniwala ako sa Makapangyarihang Diyos, naging napakabagsik ng kanyang asal, at pwersahan niya akong pinosasan at tinulak papasok sa kotse. Sa istasyon ng pulis, inutusan nila akong tumayo sa tabi ng dingding, kung saan mahigpit akong tinanong ng isang opisyal, “Ano’ng pangalan mo? Nasaan ang bahay mo? Sino ang nangaral sa iyo ng tungkol sa paniniwala sa Diyos?” Nang makita niyang hindi ako sasagot, bigla siyang nagwala sa galit, marahas na hinubad ang suot kong coat, pinatalikod ako at hinila ang suot kong sweater pataas sa ulo ko, at marahas na pinalo ang likod ko gamit ang kanyang baton. Matapos ang ilang palo, tatanungin niya ako, “Magsasalita ka na ba ngayon?” Matapos niya akong paulit-ulit na paluin nang labinlimang beses, ramdam kong nagkasugat-sugat na ang likod ko, at pakiramdam ko nabali ang gulugod ko, napakasakit noon. Ngunit kahit gaano niya man akong bugbugin, hindi ako nagsalita. Sa wakas, galit na galit siyang sumigaw, sabi niya, “Sige, suko na ako! Sumasakit na ang kamay ko dahil sa pamamalo ko sa iyo nang ganito, at ayaw mo pa ring magsalita!” Sa puso ko, alam kong pinoprotektahan ako ng Diyos. Hindi ko matatagalan ang ganoon karahas na pambubugbog nang ako lang. Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos.

Nakita nilang walang epekto laban sa akin ang pambubugbog, kaya nagbago sila ng taktika. Nagdala ang isa sa masasamang pulis ng isang pamalo na may habang mga isang metro at anim na sentimetrong dyametro, at sinabi niya habang nakakatakot na nakangisi, “Hayaan natin siyang ‘tikman ang sarap’ ng pagluhod dito at pagkatapos ay tingnan natin kung magsasalita siya!” Narinig ko na matapos lumuhod sa ganitong pamalo sa loob ng trenta minutos, hindi makatayo nang tuwid o makalakad ang isang tao. Nakaharap sa ganitong uri ng pagpapahirap, naramdaman kong napakaliit ng espirituwal kong kalagayan, at hindi iyon matitiis ng aking laman. Natakot ako, kaya gamit ang lahat ng aking lakas tumawag ako sa Diyos, “Diyos ko! Napakaliit ng aking kalagayan, at natatakot akong hindi ko matatagalan ang ganitong uri ng paghihirap. Protektahan Mo ang aking puso at bigyan Mo ako ng lakas para matagalan ang paghihirap na ito at hindi Ka pagtaksilan.” Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, at alam ng Diyos na mahina ang aking laman. Dininig Niya ang aking panalangin, dahil sa huli, nagpasya ang masasamang pulis na ito na hindi gamitin ang ganitong uri ng pagpapahirap. Pinakita ng mga katotohanang nasa harap ko ang awa at proteksyon ng Diyos para sa akin, na nagpadagdag sa aking pananalig sa Kanya at lubos na bumawas sa aking takot. Kahit nagpasya silang huwag gamitin ang ganoong paraan ng pagpapahirap, hindi pa rin sila payag na pakawalan ako. Sa halip, nag-isip sila ng isa pang paraan ng pagpapahirap. Pinilit nila akong lumuhod sa lupa habang nakadiretso ang aking bewang, tapos inutusan nila ang isang malaking lalakeng opisyal na mahigit na 1.8 metro ang taas na tayuan ang mga binti ko at tadyakan iyon nang malakas. Sa sandaling tapakan niya iyon, nakaramdam ako ng matinding sakit, tapos ay ubos-lakas akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Hindi ko matatagalan ang ganitong hindi makataong pagpapahirap, pero gusto Kitang pasayahin, kaya nagmamakaawa ako sa Iyong bigyan ako ng pananalig, lakas, at pagpapasyang magtiis ng paghihirap. Gusto kong matatag na manindigan sa aking patotoo sa Iyo.” Salamat sa Diyos, dahil dininig Niyang muli ang aking panalangin. Hindi matibay na makatayo ang matabang pulis sa mga binti ko, kaya hindi nagtagal umalis siya sa pagkakatayo roon. Nagwala sa galit ang masamang pulis sa tabi niya at sinabing, “Wala kang kwenta! Bakit umalis ka agad?” Talagang masama at hindi maikukumpara ang kalupitan ng mga demonyong ito. Nag-isip sila ng bawat posibleng paraan para pahirapan ako, at talagang gusto akong patayin, na para bang ang kamatayan ko lang ang makakapagpasaya sa kanila. Pinilit nila akong lumuhod nang diretso at hindi ako pinayagang gumalaw. Kinalaunan, binigyan ng makahulugang tingin ng isa sa mga pulis ang iba, at ang lahat ng iba ay lumabas, naiwan akong mag-isa sa kuwarto kasama nung nagbabantay na pulis sa akin. Lumapit siya sa akin at sinubukang pagiliwin ang kanyang sarili sa akin, nakangiti nang peke habang sinasabing, “Naniniwala rin sa Diyos ang nanay ko. Sabihin mo sa akin kung paano ka naniwala. Gusto ko ring maniwala sa Diyos kasama mo, kaya isama mo akong makaharap ang iyong mga superyor.” Habang nakikinig sa kanyang mga kasinungalingan at tinitingnan ang kanyang hindi tunay na ngiti, bigla akong nakaramdam ng lubos na pagkasuklam. Nang malapit ko nang ibunyag ang kanyang panloloko, bigla kong naalala ang salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaang ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nagbigay sa akin ng napapanahong patnubay ang mga salita ng Diyos, tinulutan akong maunawaan na, higit pa sa katapangan, kailangan ko ng karunungan sa presensya ni Satanas. Dapat tayong umasa sa Diyos sa lahat ng oras na bibigyan Niya tayo ng karunungan upang lumaban kay Satanas. Sa pamamagitan ng kaliwanagan at gabay ng salita ng Diyos, nalaman ko ang gagawin ko, kaya sinabi ko, “Kung talagang gusto mong maniwala, kailangan mo lang magbasa ng salita ng Diyos sa bahay. Hindi mo kailangang lumabas at makita ang sinuman.” Pagkatapos kong magsalita, pumasok yung masamang pulis na nanakit sa akin at malisyosong sinabi sa akin, “Ang laki mong sakit sa ulo!” Alam kong nabigo at napahiya si Satanas, kaya tahimik kong pinasalamatan ang Diyos. Nakita kong lagi kong kasama ang Diyos, gumabagay sa akin, nagpapalakas ng loob ko, at mahimalang sinasalag ang karahasan ng maitim na kamay ng demonyo. Napakalaki ng pagmamahal ng Diyos para sa akin! Nang sandaling iyon, kahit nakakulong ako sa isang selda, naramdaman kong mas naging malapit kesa dati ang kaugnayan ko sa Diyos, at naramdaman kong suportado ako at maginhawa. Pinilit nila akong lumuhod nang mahigit sa dalawang oras. Sa wakas, matapos ang ala-una nang madaling-araw, nang matanto nilang hindi nagkakaroon ng resulta ang interogasyon, wala silang nagawa kundi ang malungkot na umalis.

Noong umaga ng pangalawang araw, dinala ako ng pulis sa isang sangay ng opisina ng Public Security Bureau. Matapos akong pumunta sa kuwartong pang-interogasyon, galit na galit akong tinanong ng hepe ng criminal police, “Ano ang pangalan mo? Saana ng bahay mo? Sino ang nagpakilala sa iyo sa pananampalataya sa Diyos? Gaano katagal ka nang naniniwala sa Diyos? Sino ang mga kontak mo? Sabihin mo sa akin ang lahat, kung hindi magsisisi ka!” Pero anuman ang tinanong niya, wala akong sinabi sa kanyang anuman. Tinanong niya ako buong araw gamit ang parehong magaspang at banayad na mga taktika, pero wala siyang nakuha mula sa akin, at sa wakas, galit na galit, sumigaw siya, “Hindi ka magsasalita?! Kung gayon tingnan natin kung magugustuhan mo ang buhay sa kulungan! Kung gusto mong maging mahirap ang mga bagay, tiyak na magagawa namin iyon! Kapag hindi mo binigay sa amin ang mga sagot na gusto namin, ikukulong ka na namin doon magpakailanman!” Kaya, dinala ako sa piitan at kinulong sa selda kung saan may pinakamaraming bilang ng mga malubhang nagkasala. Sa sandaling pumasok ako sa selda, nakaramdam ako ng matinding takot dahil sa madilim at nakakatakot na kapaligiran ng lugar. Apat na metro ang taas ng mga pader ng selda, madilim at mamasa-masa iyon, isang maliit na bintana lang ang nagpapapasok ng kakatiting na sinag ng araw, at mayroong masidhi at panis na amoy na nagiging dahilan para halos hindi na mahinga ang hangin. Siksik at puno ng mga kriminal ang maliit na kuwartong ito; may mga mamamatay-tao, mga gumagamit ng droga, at mga magnanakaw, lahat ay mga malubhang nagkasala. Ang bawat isa sa kanila ay mukhang mabangis at mala-diyablo, at marami ang matatangkad, may malalaking katawan, may mahahaba, pangit na mga mukha, at mga katawang balot ng mga tatu ng dragon, mga phoenix, ahas, at iba pang tulad noon. Ilan sa mga preso ay napakapayat, parang mga buhay na kalansay, at nanginginig ako kahit tingnan ko lang sila. May hirarkiya ng katayuan sa mga nakakulong, at ang mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos ang nasa pinakailalim, walang kahit anong karapatan. Ang emergency call button na ikinabit sa dingding ay itinalaga talagang gamitin ng mga preso para sa mga sitwasyon ng kagipitan para tumawag sa correctional officer, pero walang karapatan ang mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos na “tamasahin” ang gamit na iyon. Kahit gaano man kalupit ang pang-aabuso, walang sinumang tutugon.

Sa unang araw ko sa selda, kinutya ako ng punong preso matapos niyang malaman ang aking sitwasyon, sinasabing, “Dahil naniniwala ka sa Makapangyarihang Diyos, sa Kanya ka magpalaya mula rito. Kung napakabuti ng iyong Diyos, bakit Niya hahayaan na mapunta ka sa lugar na ito?” Nakisali sa pangungutya ang masamang preso sa tabi niya, “Sino sa tingin mo ang mas magaling, ang puno natin dito o ang Diyos mo?” Nagalit ako habang naririnig kong binabastos at iniinsulto nila ang Diyos. Gusto kong makipagtalo sa kanila, ngunit hindi ko iyon magawa. Naalala ko na sinasabi sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay na ang diwa ng masasamang tao ay sa mga demonyo, at ito ay tiyak na tama! Ganap na hindi makatwiran ang mga demonyong ito, at karapat-dapat na sumpain! Nang hindi ako sumagot, biglang nagalit ang punong preso at marahas akong sinampal nang dalawang beses, pagkatapos ay malakas niya akong sinuntok sa baba, na nagpatumba sa akin sa sahig. Takot na takot ako habang nahaharap sa mga demonyong ito, at hindi ko mapigil na tumawag sa Diyos, “O Diyos ko! Alam Mong duwag ako at mahina, at lagi akong takot sa mga sanggano at maton. Protektahan Mo ako, bigyan ako ng pananalig at lakas, at tulutang huwag mawala ang aking patotoo sa sitwasyong ito.” Nakita ng mga demonyong ito na hindi ako magsasalita, kaya nag-isip sila ng ibang paraan para pahirapan ako. Isang kriminal na mukhang kalansay ang lumapit sa akin at pinilit akong sumandal sa pader. Kumuha siya ng dalawa pang preso para diinan ang balikat ko sa pader, pagkatapos ay kinurot nila nang napakalakas ang aking hita, una yung kaliwa, tapos yung kanan, at sa bawat sandaling iyon ay nakaramdam ako ng matinding sakit na hindi maipaliwanag. (Pagkatapos, natadtad ang aking mga binti ng malalaking pamamaga, na hindi pa rin nawawala hanggang ngayon). Pagkatapos, marahas niyang sinuntok ng kanyang mga kamao ang aking mga binti. Matapos iyon, sumalampak ako sa sahig, at halos imposible nang makatayo ako uli. Kahit gano’n, hindi sila tumigil sa pagpapahirap sa akin. Kalagitnaan iyon ng taglamig at napakaginaw, ngunit inutusan ako ng mga demonyong ito na maghubad ng damit at sumalampak sa may pader sa ilalim ng isang gripo. Patuloy nila akong binuhusan ng tubig at sadyang binuksan ang bintana, kaya masyado akong gininaw at hindi ko mapigilan ang panginginig. Nang makita ng isa sa mga preso na nagtitiim-bagang ako para tiisin ang pagpapahirap, humablot siya ng isang pirasong foam board at iwinasiwas iyon sa akin na parang isang pamaypay para umihip sa akin ang malamig na hangin, dahilan para maramdaman kong tila nanigas sa lamig ang aking dugo, at hindi matigil ang pangangatal ng aking ngipin. Hindi ko mapigil na tahimik na manalangin sa Diyos, “O Diyos ko! Alam kong nasa likod ng nangyayari sa akin ngayon ang Iyong mabubuting intensyon, kaya nagmamakaawa ako para sa Iyong patnubay sa pag-unawa sa Iyong kalooban, dahil kung nag-iisa, hindi ko talaga makakaya ang pagpapahirap ng mga demonyong ito. O Diyos ko! Bigyan Mo ako ng mas malaking pananalig at lakas, upang magkaroon ako ng kalooban at determinasyon na mapagtagumpayan ang mga paghihirap na ito.” Matapos akong magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pagmumuni-muni sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalooban Niya. Ang katotohanang naghihirap ako ngayon dahil sa aking paniniwala sa Diyos ay isang dakilang bagay at karangalan para sa akin. Pinahihirapan ako ni Satanas dahil sa layuning pagtaksilan at itanggi ko ang Diyos dahil hindi ko matiis ang paghihirap ng laman, kaya tiyak na hindi ako maaaring sumuko kay Satanas. Noong sandaling iyon, bigla kong naalala kung paano ako binantaan ng masamang pulis tungkol sa buhay sa kulungan, at may bigla akong natanto—walang-awa akong pinahihirapan at inaabuso ng mga preso dahil inutusan sila ng masamang pulis na gawin iyon! Doon ko lang malinaw na nakita na ang nagbabanal-banalang “People’s Police” na ito ay talagang masasama at kasuklam-suklam. Ginagamit nila ang mga presong ito para gawin ang kanilang maruming gawain. Sagad sa buto ang kanilang kalupitan, at mga demonyo silang kayang pumatay nang hindi kailangang magpadanak ng dugo gamit ang sarili nilang kamay! Sinusubukan ni Satanas ang bawat paraan na magagawa niya para mapasuko ako sa kanila, ngunit ginagamit ang karunungan ng Diyos ayon sa mga pakana ni Satanas. Ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito upang bigyan ako ng tunay na pananalig sa Kanya, upang tulutan akong malinaw na makita ang pangit na mukha at masamang diwa ni Satanas, at sa gayon ay pukawin sa puso ko ang tunay na pagkamuhi sa kanila. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagliwanag ang puso ko at nahanap ko ang aking lakas. Hindi ko dapat hayaang maloko ako ni Satanas. Gaano man katindi ang sakit o kahinaan ang aking nararamdaman, kailangan kong tumayong matatag sa aking patotoo sa Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng lakas upang mapagtagumpayan ang pagpapahirap at pagpapasakit ng mga demonyong ito, at muling matalo si Satanas.

Sa kulungan, ang pang-araw-araw naming pagkain ay binubuo ng pinatigas na repolyong pinakuluan sa tubig, binurong mga gulay, at isang maliit na pinasingawang tinapay, na hindi nakakabusog sa tiyan. Sa gabi, ang punong preso at ang kanyang mga alagad ay natutulog sa entabladong pangtulugan habang ang natitira sa amin ay kailangang matulog sa sahig. Habang nakahiga ako sa malamig na sahig, tinitingnan ang mga preso sa paligid ko, naisip ko ang aking kaawa-awang kalagayan at biglang nakaramdam ng kalungkutan sa aking puso. Naisip ko noong kasama ko ang aking mga kapatid, at masaya at puno ng kagalakan ang bawat araw. Pero ngayon, araw-araw kong kasama ang mga kriminal na ito, at kailangan ko ring tiisin ang kanilang pang-aapi at pang-iinsulto, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag at matinding kalungkutan…. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin sa Kanya, “O Diyos ko! Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kailangang mabuhay nang ganito, at hindi ko alam kung paano malalagpasan ang mga darating na araw. Ngayon, mahina ang aking katawan, at ayoko nang humarap pa sa sitwasyong ito. O Diyos ko! Bigyan Mo ako ng determinasyon na tiisin ang paghihirap, at gabayan Mo ako sa pag-unawa sa Iyong kalooban, upang mapasiya Kita sa sitwasyong ito.” Matapos akong manalangin, malinaw na kumislap ang mga salita ng Diyos sa aking isip: “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. … Para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kasamaan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao nang walang reklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paghahayag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9). Isinaalang-alang ko ang mga salita ng Diyos, at inisip ang paghihirap na tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng sangkatauhan sa parehong panahong dumating Siya sa mundo sa katawang-tao, at hindi sinasadyang napuno ng luha ang aking mga mata. Ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, ginamit ang sarili Niyang buhay upang tubusin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Ngayon, muling nagkatawang-tao ang Diyos at dumating sa Tsina, ang bansang pinakalumalaban sa Diyos, kung saan isinusugal Niya ang Kanyang buhay upang sabihin ang Kanyang mga salita upang iligtas tayo. Sino ang makakaalam sa mga hirap at pagtitiis na Kanyang kinaya upang magawa iyon? Siino ang kayang pahalagahan iyon? Samantala, ako, isang kasapi ng tiwaling sangkatauhan, nakaramdam ng matinding paghihirap at wala nang ibang nais bukod sa tumakas sa aking sitwasyon matapos gumugol ng ilang araw lang kasama ang mga kriminal na iyon. Ang Diyos, na banal at matuwid, ay namuhay kasama natin sa masama, at bagsak na mundong ito nang maraming dekada. Hindi ba mas matindi ang naging paghihirap ng Diyos? Bukod dito, naghihirap ako upang alisin sa aking sarili ang katiwalian at makamit ang tunay na kaligtasan. Ngunit inosente ang Diyos at hindi mula sa mundong ito, o sa impyerno sa lupang ito, ngunit dahil lang sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan, pumunta siya sa kailaliman ng pugad ng malaking pulang dragon, handing isakripisyo ang Kanyang buhay para iligtas ang sangkatauhan. Tunay na hindi kapani-paniwala ang pagmamahal ng Diyos! Kung mayroon man akong pagmamahal sa Diyos, hindi ko dapat maramdaman na hindi mapagtitiisan ang aking sariling kalagayan, at hindi ako dapat masyadong malungkot. Sa harap ng pagmamahal ng Diyos, wala akong naramdaman kundi pagsisisi at kahihiyan. At habang pinagbubulayan ko ang pagmamahal ng Diyos, nakaramdam ako ng kasiyahan sa aking puso. Kung hindi ako personal na dumanas ng ganitong mga pangyayari, hindi ko malalaman ang pagmamahal at kagandahan ng Diyos. Kahit winasak ng pagdanas ng mga pangyayaring ito ang aking katawan, napakakapaki-pakinabang noon sa aing buhay. Habang iniisip ito, napuno ang aking puso ng pasasalamat sa Diyos, at nahanap ko ang determinasyon na tumayong matatag sa aking patotoo para sa Diyos sa kabila ng matinding sakit.

Sa kulungan, madalas sabihin sa akin ng punong preso ang tungkol sa lahat ng paraan na ginamit ng mga opisyal ng kulungan sa pagpapahirap sa mga “kriminal” na naniniwala sa Diyos: Sinasaksak nila ng thumbtacks ang daliri ng mga mananampalataya, na nagdudulot ng hindi mailarawang sakit; pinupuno nila ng kumukulong tubig ang isang bote ng tubig at pinipilit nila ang isang mananampalagtaya na ipasok ang isa sa kanilang mga daliri, at matapos mapaso ang balat, ipinalalabas nila sa mananampalataya ang daliri at pagkatapos ay pupunasan nila ng chili powder ang mga paltos…. Habang pinakikinggan ko ang kakila-kilabot na mga pagpapahirap na inilalarawan, nakaramdam ako ng matinding galit, at ang pagkamuhi ko para sa pamahalaang CCP, sa napakasamang rehimeng ito, ay lalo lang lumalim. Inilalarawan nito ang kanyang sarili sa bawat positibong paraan habang gumagawa ng bawat napakasamang gawain. Nagdedeklara ito ng “kalayaan sa relihiyosong paniniwala,” at “lahat ng tao ay nagtatamasa ng lehitimong mga karapatan at interes ng mamamayan,” at “tinatratong parang pamilya ang mga preso,” habang lihim na nang-aabuso at nagpapahirap ng mga tao, walang pagpapahalaga sa buhay ng tao, at hindi tinatrato ang mga tao bilang mga tao. Para sa isang naniniwala sa Diyos, kapareho ng pagpasok sa kanilang mundo ang pagpasok sa impyerno, isang lugar kung saan sila pahihirapan at hahamakin, at kung saan hindi nila malalaman kung makakalabas pa sila nang buhay. Nangilabot ako sa pag-iisip nito, dahil natatakot akong gagamitin sa akin ang mga pagpapahirap na iyon. Sa tuwing naririnig ko ang mga opisyal ng kulungan na binubuksan ang maliit na bintana ng metal na pinto, halos kumawala na ang puso ko, dahil natatakot akong baka kaladkarin ako palabas at pahirapan. Araw-araw akong nilamon ng takot, at naramdaman kong hindi na ako makakalaya pa. Sa aking pagdurusa, tahimik lang akong nakakapagdasal sa Diyos: “O Diyos ko! Mahina ang puso ko ngayon, at nanghihina ang aking loob, ngunit gusto Kitang mapasaya, kaya bigyan Mo ako ng pananalig at lakas. Gusto kong umasa sa Iyo upang mapagtagumpayan ang panunukso ni Satanas!” Matapos akong manalangin, nahanap ko ang patnubay sa salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng hindi kapani-paniwalang ginhawa at lakas ng loob. “Oo,” naisip ko. “Ang Diyos na pinaniniwalaan ko ay ang Panginoon ng paglikha na gumawa sa mga langit at lupa at lahat ng mga bagay na naroon, na siyang pinakamataas sa lahat ng bagay, at siyang kumokontrol sa lahat ng bagay at lahat ng tao. Bukod dito, hindi ba nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng bawat isang tao? Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas na gumawa ng anuman sa akin ang demonyong si Satanas. Hindi ba ang katotohanang ginugol ko ang buong araw sa kahinaan ng loob at matinding takot ay ang simpleng takot ko sa pisikal na paghihirap? Ginagamit ni Satanas ang kahinaang ito para atakihin ako, para pasukuin ako rito at pagtaksilan ang Diyos. Ito ang pakana ni Satanas para lamunin ang mga tao. Ngunit kung handa akong ibigay ang aking buhay, tunay bang may anumang bagay na hindi ko makakaya?” Inisip ko ang karanasan ni Job: Nang makipagpustahan sa Diyos si Satanas, dumanas si Job ng paghihirap na pangkatawan, ngunit kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man pahirapan ni Satanas si Job, hindi nito makukuha ang buhay niya. Ngayon, gusto kong sundan ang halimbawa ni Job at magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, dahil kahit pinahirapan ng mga demonyo ang aking katawan hanggang sa mamatay, nasa mga kamay ng Diyos ang aking kaluluwa. Gaano man ako maaaring pahirapan o pasakitan ng mga demonyong ito, hindi ako kailanman susuko sa malupit nitong pang-aabuso. Sumumpa akong hindi ako kailanman magiging isang Hudas! Nagpapasalamat ako sa napapanahong patnubay na nakita ko sa salita ng Diyos sa paggabay sa akin upang makawala sa pagkaalipin at mga balakid ng kamatayan at hindi pagtulot na maging biktima ako ng plano ni Satanas. Salamat sa proteksyon ng Diyos, hindi ako dumanas ng ganoong uri ng mga pagpapahirap, at dito, nakita kong muli ang pagmamahal at awa ng Diyos para sa akin.

Matapos ang ilang araw, dumating uli ang masamang opisyal na pulis para tanungin ako, naghahangad na makakuha ng impormasyon mula sa akin tungkol sa mga pinuno ng iglesia, ngunit nang hindi ako sumagot, naging mabangis siya. Pinandilatan niya ako habang hinawakan ang baba ko at tinagilid ang ulo ko sa kaliwa’t kanan, at pagkatapos ay nanggigigil na sinabi, “Mayroon pa bang pagiging tao sa iyo? Sige, maniwala ka sa Diyos! Maglalagay ako ng litrato mo sa internet at mag-iimbento ng ilang kwento tungkol sa iyo, at papaniwalain ko ang lahat ng mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos na trinaydor mo ang Diyos at ibinenta ang iyong mga kapatid. Wala nang kakausap sa iyo uli. At pagkatapos, dadalhin kita sa isang lugar na walang nakakaalam, maghuhukay, at ililibing ka nang buhay, at walang makakaalam noon.” Sa galit niya, ipinaliwanag ng demonyong ito ang kanilang walang kahihiyang lihim na mga pakana at plano, at ito rin ang kanilang tipikal na paraan ng pangmamanipula ng tao—paggawa ng maling ebidensya, paninirang-puri, paggawa ng maling akusasyon sa mga krimen, at pagpatay. Talagang wala silang pagsasaalang-alang sa buhay ng mga tao, at hindi masasabi kung ilang hindi makatao, walang-awang mga gawain ang lihim nilang ginawa! Sa oras na ito, habang pinakikinggan ang isinisigaw niyang mga pagbabanta, kalmado ako, at hindi ako nakaramdam ng takot, dahil ang Diyos ang aking malakas na suporta. Kasama ko ang Diyos, kaya hindi ko kailangang matakot sa anuman. Habang mas nagiging malupit si Satanas, mas nabubunyag ang kapangitan at pagkainutil nito; pag mas lalo nitong inuusig ang mga nanamnampalataya, mas lalo nitong nalalantad ang kasamaan nito, ang reaksyunaryong diwa ng pagiging kaaway ng Diyos, paggawa ng imoral na mga bagay, at paglaban sa Langit at kalikasan; pag mas lalo nitong pinipinsala ang mga naniniwala sa Diyos, mas lalo nitong pinupukaw ang determinasyon kong maniwala sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa huli: Gusto kong ilaan ang buhay ko sa Diyos at talikuran si Satanas una at higit sa lahat! Gaya ng sinasabi ng salita ng Diyos: “Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa puntong ito, kumukulo ang dugo ko sa galit, at tahimik akong sumupa: Kahit gaano ako katagal na manatili roon, at kahit gaano ako pahirapan ng mga demonyong iyon, hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Diyos. Nakita ng pulis na hindi ako sasagot, at sa huli ibinalik ako sa selda. Kaya, salamat sa patnubay ng salita ng Diyos, napagtagumpayan ko ang ilang ulit na pagtatangka ng mga demonyong ito na pilitin akong magtapat at ang kanilang pagpapahirap. Hindi ko kailanman ibinunyag ang anumang impormasyon tungkol sa iglesia, at matapos gumugol ng mahigit limampung araw sa kulungan, napilitan ang pulis na pakawalan ako nang walang kaso.

Matapos maranasan na maaresto, malinaw kong nakita ang demonyong diwa ng gobyernong CCP. Nakikipaglaban ito sa Langit at isang kaaway ng Diyos. Ayaw nitong sumamba sa Diyos, at gumagamit din ng lahat na posibleng paraan upang linlangin at kontrolin ang mga tao, para pigilin ang mga tao sa paniniwala at pagsamba sa Diyos. Sinusubukan nitong paiwasin ang mga tao sa Diyos at labanan ang Diyos, upang sa wakas ay mawasak sila sa impyerno kasama nito. Kasuklam-suklam ito, malupit, at masama! Ngunit ang mas mahalaga, binigyan ako ng karanasang ito ng tunay na pag-unawa sa karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos at sa awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang salita. Sa ganitong bansa, kung saan nakikita ang Diyos bilang isang malupit na kaaway, ang mga nananampalataya sa Diyos ay mga tinik sa mga mata at laman ng ateyistang pamahalaan. Gayunpaman, hindi nito lubos na mahigpitan ang mga tunay na naniniwala sa Diyos. Kahit gaano man nito pinahihirapan, ikinukulong, at sinasaktan ang aming katawan, hindi nito maiwawaksi ang aming pagnanasang pumunta sa liwanag at hanapin ang katotohanan, at hindi nito mayayanig ang aming pagpapasya na maniwala at sumunod sa Diyos. Inaresto ako at personal kong naranasan ang mabangis na kalupitan ng mga demonyong ito. Mayabang na hinangad ni Satanas na pasukuin ako sa diktador nitong pamumuno sa pamamagitan ng pag-aresto at pag-usig sa akin, ngunit patuloy akong ginabayan ng salita ng Diyos, at binigyan ako ng karunungan, pananalig, at lakas na nagpahintulot sa akin para tumayong matatag sa gitna ng malupit na pang-uusig ni Satanas. Sa pamamagitan ng aking aktwal na karanasan, nakita ko ang kamangha-manghang mga gawa ng Diyos, nadagdagan ang aking pananalig sa Diyos, at nagkamit ako ng mas praktikal na pag-unawa ng salita ng Diyos. Naranasan ko na ang salita ng Diyos ang katotohanan, at iyon ang lakas at pinagmumulan ng buhay ng mga tao. Sa patnubay ng salita ng Diyos, wala akong anumang kailangang katakutan, at gaano man karaming paghihirap at hadlang ang maaari kong harapin sa aking landas, nais kong sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli!

Talababa:

1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang pagsuway ng sangkatauhan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman