Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan

Kung nais mong magpasakop sa Diyos sa iyong pananampalataya, lubhang mahalaga na makilala mo ang iyong sarili. Kapag hindi mo kilala ang iyong sarili, hindi mo magagawang iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ang buhay pagpasok ay nagsisimula sa pagkilala sa sarili. Kung nagbubunyag ka ng ilang katiwalian o gumagawa ng mga bagay na kasumpa-sumpa o nakasasakit sa Diyos, kung gumagawa ka ng mga bagay na kahangalan, dapat mong pangnilayan ang iyong sarili pagkatapos. Paano ka matutulungan ng pagninilay para maiwaksi ang katiwalian? Isinasaalang-alang ito ng mga nagsasagawa ng katotohanan: “Talagang ibinunyag ako ng mga bagay na ito na nangyari. Mayroon akong tiwaling disposisyon, at kailangan kong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos para iwaksi ito. Mabuti na ibinunyag ng Diyos ang aking tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng sitwasyong ito. Anupaman ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin o kung paano man nila ako tinatrato, kailangan kong hanapin ang katotohanan, unawain ang mga layunin ng Diyos, at alamin kung ano ang dapat gawin para maisagawa ang katotohanan.” Ito ang tamang saloobin, at isa itong saloobin ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagtanggap sa katotohanan—iyon ang tamang saloobin. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay nagdadahilan at nangangatwiran kapag lumilitaw ang mga isyu, ipinapasa ang responsabilidad sa iba. Palagi silang nagrereklamo tungkol sa ibang tao na hindi sila tinatrato nang maayos, hindi sila iniintindi o hindi nagmamalasakit sa kanila. Nakahahanap sila ng iba’t ibang uri ng pangangatwiran. Ano ang saysay ng paghahanap ng lahat ng katwirang ito? Mapapalitan ba nito ang pagsasagawa mo ng katotohanan? Mapapalitan ba nito ang pagpapasakop mo sa Diyos? Hindi, hindi nito kaya. Ibig sabihin, kahit anong uri ng pangangatwiran ang mayroon ka, kahit may mga hinanakit ka na lampas langit pa mismo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katapusan mo na. Gustong makita ng Diyos kung ano ang iyong saloobin, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. May anumang silbi ba ang pagrereklamo mo? Malulutas ba ng pagrereklamo mo ang isyu ng tiwaling disposisyon? Kung magrereklamo ka at pakiramdam mo ay nasa katwiran ka, ano ang sasabihin niyon tungkol sa iyo? Nakamit mo ba ang katotohanan? Matatanggap mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Kung sasabihin ng Diyos, “Hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan, kaya umalis ka sa daan. Nasusuklam Ako sa iyo,” hindi ba’t katapusan mo na? Ang pagsasabi ng Diyos na “nasusuklam Ako sa iyo,” ay magbubunyag sa iyo at magtatakda kung sino ka. Bakit gagawa ang Diyos ng pagtatakda tungkol sa iyo? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan; hindi mo tinatanggap ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Palagi kang naghahanap ng mga panlabas na katwiran, palaging ipinapasa sa ibang tao ang mga bagay-bagay. Nakikita ng Diyos na wala kang pakiramdam at pagmamahal sa katotohanan; hindi makatwiran, may mapagsariling kalooban, at hindi mapapaamo. Kailangan kang isantabi at ipagwalang-bahala para magkaroon ka ng pansariling pagninilay. Ang halaga na mapakinggan mo ang mga sermon at pagbabahagi tungkol sa katotohanan ay upang maunawaan mo ang katotohanan, malutas ang iyong mga problema, at maiwaksi ang iyong katiwalian. Ang katotohanan ba ay isang bagay para bigkasin mo nang walang kabuluhan? Isa ba itong bagay na sinasang-ayunan mo, at pagkatapos ay tapos na? Dapat bang magsilbing espirituwal na angkla ang pagkaunawa sa katotohanan para punan ang kahungkagan sa iyong kaluluwa? Hindi, hindi ito para gamitin mo para sa layuning ito. Nariyan ang katotohanan para lutasin mo ang mga tiwali mong disposisyon. Ito ay para bigyan ka ng landas, at kapag nakakaranas ka ng mga isyu, makakapamuhay ka ayon sa mga katotohanang ito, at matatahak ang tamang landas ng buhay. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, hindi ka na kikilos batay sa iyong pagiging natural, sa iyong katiwalian, o sa mga bagay na iyon sa iyong satanikong edukasyon. Hindi ka na mamumuhay ayon sa satanikong lohika o sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Sa halip, mamumuhay ka ayon sa katotohanan, kikilos ka ayon sa katotohanan. Ito lang ang makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Napakatagal ko nang hindi mananampalataya. Wala akong masyadong karanasan. Hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at maliit ang tayog ko. Kaya, hindi ko maisasagawa ang katotohanan.” Mga totoong palusot lang talaga ang mga ito. Kahit pa maliit ang iyong tayog, may mga katotohanang kaya mong maunawaan. Dapat kang magsagawa sa abot ng nauunawaan mo; dapat kang magsakatuparan sa abot ng makakaya mo. Kung hindi mo man lang isinasagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, may problema riyan. Kahit gaano pa katagal o kaikli ang naging panahon mo bilang isang mananampalataya, hangga’t nakikinig ka ng mga sermon nang ilang taon, mauunawaan mo ang ilang katotohanan. Kung marami kang alam na katotohanan pero hindi mo isinasagawa ang alinman sa mga ito, kokondenahin ka ng mga iyan. Kung ano ang saloobin ng pagpapasakop sa katotohanan, ano ang pagpapasakop sa katotohanan, paano magpasakop sa katotohanan, paano magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos, at kung anong saloobin ang mayroon dapat ang mga tao—kung alam mo ang mga bagay na ito, dapat mong isagawa ang mga ito. Kahit ano pa ang mangyari, kailangan mong matutunan kung paano isagawa ang katotohanan at umasal nang may prinsipyo. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang kabuluhan sa iyo ang katotohanan; isa lamang itong doktrina, isang islogan sa iyong bibig. Hindi ka magkakaroon ng realidad hanggang maisagawa mo ang katotohanan; saka lamang magiging buhay mo ang katotohanan. Kapag may mga bagay na nangyayari at sinusunod mo ang iyong kagustuhan—iniisip na nagkakamali ang taong ito, na mali ang taong iyon, palaging tama ang tingin mo sa iyong sarili at nakikipagtalo sa iba kahit ano pa ang sabihin nila—posible bang wala kang kapintasan at walang katiwalian? Pagiging mapagmataas at pagmamatuwid sa sarili ang tawag doon, at isa itong mas malalang tiwaling disposisyon.

Paano malulutas ang isang tiwaling disposisyon? Ang unang hakbang ay tingnan kung kaya mong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at kung kaya mong magpasakop sa iba’t ibang sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa iyo. Sa panahong mapayapa, wala kang anumang kuru-kuro sa Diyos at hindi ka nagbubunyag ng maliwanag na tiwaling disposisyon. Kaya pakiramdam mo na hindi ka ganoon kasama, at na isa kang taong nagagawang magpasakop sa Diyos. Pero kapag may nangyari, naguguluhan ang puso mo, at nagkakaroon ka ng mga sarili mong kaisipan at ideya. Lalo na kapag nagagawa mong magdusa at magbayad ng halaga sa iyong tungkulin, pakiramdam mo ay isa kang taong nagmamahal sa Diyos, kaya kapag pinungusan ka nang hindi inaasahan at may isang taong nagsasabing ikaw ay may mapagsariling kalooban at walang prinsipyo sa iyong tungkulin, magagawa mo bang tanggapin iyon? (Hindi ito madaling tanggapin.) Ano ang gagawin mo kung hindi ito madaling tanggapin? Paano mo makakamit ang pagtanggap at pagpapasakop? May ilang prinsipyo rito ng pagsasagawa. Una, kailangan mong pagnilayan ang iyong sarili, at bitiwan ang mga sarili mong kaisipan at pangangatwiran para hanapin ang katotohanan. Dapat mong maunawaan na hindi nangangahulugang umaayon ang mga sarili mong kaisipan at pangangatwiran sa katotohanan. Kung nagtataglay ka ng katwiran, dapat ka munang makinig sa sinasabi ng iba at pagkatapos ay pag-isipan mo itong mabuti. Kung ang mga sinasabi nila ay umaayon sa katotohanan, dapat mo itong tanggapin—ito ang dapat gawin ng isang taong may katwiran. Kung palagi mong iniisip na tama ang sarili mong pag-iisip at pinanghahawakan mo ang sarili mong perspektiba, at hindi tinatanggap kung ano ang sinasabi ng iba, kahit gaano pa sila katama o kung gaano karami sa sinasabi nila ang umaayon sa katotohanan, nagiging mapaghimagsik ka at wala sa katwiran. Ang katwiran ng isang nilikha ay para magpasakop sa katotohanan, para magpasakop sa mga salita ng Diyos, para magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, para magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos, at para magpasakop sa mga gawain ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa pagganap ng iyong tungkulin, dapat mong hanapin kung ano ang hinihingi ng Diyos at kung ano ang isinaayos ng Kanyang sambahayan. Kapag alam mo na ang mga bagay na iyon, makakikilos ka ayon sa hinihingi ng Diyos. Ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, dapat kang magpasakop. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Madalas, kapag hindi nagagawa ng mga taong magpasakop, ito ay dahil mayroon silang mga sariling pangangatwiran, pagdadahilan, at pagkukunwari. Malamang talaga na hindi sila magpasakop sa ganoong pangangatwiran. Ano ang puwedeng gawin sa ganoong kaso? Una, bitiwan mo ang mga sarili mong pangangatwiran at pagdadahilan, at kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag naisagawa mo na ito nang ilang panahon, malalaman mo na kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, lalo kang nagiging epektibo sa iyong tungkulin. Nakatitiyak ka, sa iyong kaluluwa, na ito ay pagpapasakop sa Diyos, at lalong nagiging dalisay ang iyong pagpapasakop. Pero, kung palagi kang humahawak sa mga sarili mong kuru-kuro at imahinasyon, kung hindi mo nagagawang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kung palagi kang laban sa Diyos at sumasalungat sa Kanya, pagrerebelde iyan. Iyan ay isang tiwaling disposisyon. At kahit pa hindi ka gumagawa ng anumang hayag na kasamaan, hindi ka pa rin nakapagpasakop kahit bahagya, at hindi ka magkakaroon ng katiting na katotohanang realidad.

Ang mga aral ng pagpapasakop ang pinakamahirap, ngunit ang mga iyon din ang pinakamadali. Sa anong paraan mahirap ang mga iyon? (Ang mga tao ay may sariling mga ideya.) Hindi ang pagkakaroon ng mga ideya ng mga tao ang problema—anong tao ba ang walang mga ideya? Lahat ng tao ay may puso at utak, lahat sila ay may sariling mga ideya. Hindi iyon ang problema rito. Kung gayon, ano kaya iyon? Ang problema ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung wala kang tiwaling disposisyon, magagawa mong magpasakop kahit ilan pa ang iyong mga ideya—hindi magiging isyu ang mga ito. Kung ganito ang katwiran ng isang tao at sinasabi niyang, “Kailangan kong magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ako magdadahilan o hindi ko ipipilit ang sarili kong mga ideya, hindi ako gagawa ng sarili kong pasya tungkol sa bagay na ito,” hindi ba’t madali para sa kanya ang magpasakop? Kung hindi gagawa ang isang tao ng sarili niyang mga pasya, tanda iyan na hindi siya mapagmagaling; kung hindi niya ipinipilit ang sarili niyang mga ideya, tanda iyan na may katwiran siya. Kung kaya rin niyang magpasakop, nakaya na niyang isagawa ang katotohanan. Ang hindi pagkakaroon ng mga sariling pagtukoy ng isang tao at hindi paggigiit sa mga sarili niyang ideya ay mga paunang kondisyon para makapagpasakop. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, magiging madali para sa iyo na magpasakop at makamit ang pagsasagawa ng katotohanan. Kaya, bago ka magpasakop, dapat mong taglayin ang mga ito, at alamin kung paano ka dapat kumilos at kung ano ang dapat mong gawin upang magkaroon ng saloobin ng pagsasagawa ng katotohanan. Hindi naman talaga ito ganoon kahirap—pero hindi rin ito ganoon kadali. Bakit ito mahirap? Mahirap ito dahil may tiwaling disposisyon ang tao. Kahit ano pang mentalidad o kalagayan ang mayroon ka kapag isinasagawa ang pagpapasakop, kung hinahadlangan ka nito sa pagsasagawa ng katotohanan, ang kaisipan o kalagayang iyon ay nagmumula sa tiwaling disposisyon. Iyon ang simpleng katunayan ng usapin. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling disposisyon ng pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagmamataas, paghihimagsik, pagiging kakatwa, at matigas ang ulo at panghuhusga, at pagiging mapagmatigas, magiging madali para sa iyo na magpasakop. Kaya, paano dapat lutasin ang mga katiwaliang ito? Dapat kang manalangin kapag ayaw mong magpasakop, dapat kang magnilay-nilay sa iyong sarili at magtanong: “Bakit hindi ko magawang magpasakop sa Diyos? Bakit palagi kong iginigiit na gawin ang mga bagay sa sarili kong paraan? Bakit hindi ko kayang hanapin ang katotohanan at isagawa ito? Ano ang ugat ng problemang ito? Isinasagawa ko dapat ang pagsunod sa Diyos, at isinasagawa ko dapat ang katotohanan, hindi isinasakatuparan ang sarili kong kalooban o mga sarili kong pagnanais. Magagawa ko dapat na magpasakop sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga pamamatnugot, at pagsasaayos. Iyon lamang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos.” Ang pagkakamit ng ganitong uri ng kalalabasan ay nangangailangan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito nang mas madali; pagkatapos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga alalahanin nito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan sa puso mo pero hindi mo mabitiwan ang mga pakinabang ng laman, katayuan, banidad at reputasyon, mahihirapan kang isagawa ang katotohanan. Ito ay dahil, sa puso mo, inuuna mo ang mga pakinabang ng laman, banidad, at reputasyon nang higit sa lahat. Ibig sabihin nito na hindi mo minamahal ang katotohanan—sa halip, mahal mo ang katayuan at reputasyon. Kaya paano dapat lutasin ang isyung ito? Dapat kang manalangin, hanapin ang katotohanan, at dapat mong ganap na makita ang diwa ng mga bagay tulad ng katayuan at reputasyon. Dapat hindi ka masyadong abala sa mga bagay na ito, at kinakailangang ituring ang pagsasagawa ng katotohanan bilang mahalaga, at pahalagahan ito nang higit sa lahat. Kapag ginawa mo ang lahat ng ito, magkakaroon ka ng determinasyong isagawa ang katotohanan. Minsan hindi kayang isagawa ng mga tao ang katotohanan. Kailangan silang pungusan, at kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, para ganap na maging malinaw ang diwa ng problema at maging mas madaling isagawa ang katotohanan. Sa katunayan, ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan ay kapag ang sariling kalooban ng isang tao ay napakalakas at nauuna ito bago ang lahat—ibig sabihin, kapag nauuna ang pansariling interes ng isang tao bago ang lahat ng iba pa, kapag nauuna ang sarili niyang reputasyon at katayuan bago ang anupaman. Iyon ang dahilan kung bakit palaging may mapagsariling-kalooban ang mga tao kapag may mga bagay na nangyayari, at ginagawa ang anumang personal na magdudulot ng pakinabang sa kanila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi silang humahawak sa mga sariling ideya nila. Ano ba ang ibig sabihin ng humawak sa mga sariling ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay magtakda: “Kung gusto mo ito, gusto ko iyon. Kung gusto mo ang sa iyo, ipipilit ko ang sa akin.” Pagpapakita ba ito ng pagpapasakop? (Hindi.) Hindi talaga ito paghahanap ng katotohanan, kundi pagpipilit ng sariling paraan ng isang tao. Ito ay mapagmataas na disposisyon, at isang hindi makatwirang pagpapamalas. Kung, isang araw, magagawa mong magkaroon ng kamalayan na ang mga kagustuhan at pagtatakda mo ay salungat sa katotohanan; kung magagawa mong itanggi ang iyong sarili at makita ang iyong pagkatao, hindi na naniniwala sa iyong sarili, at pagkatapos niyon ay unti-unting hindi ginagawa ang mga bagay sa sarili mong paraan o basta-bastang tinutukoy ang mga bagay-bagay, pero nagagawa mong hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at sumandal sa Kanya, iyan ang tamang pagsasagawa. Bago mo kumpirmahin kung anong uri ng pagsasagawa ang umaayon sa katotohanan, dapat kang maghanap. Iyan talaga ang tamang bagay na dapat gawin, ito ang dapat gawin. Kung hihintayin mo pang pungusan ka bago maghanap, medyo pasibo ito, at malamang na makaantala ito sa mga bagay-bagay. Ang matutunang hanapin ang katotohanan ay napakahalaga. Ano ang mga pakinabang ng paghahanap sa katotohanan? Una, maiiwasan ng isang taong sumunod sa sarili niyang kalooban at kumilos nang padalus-dalos; pangalawa, maiiwasan ng isang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga masamang kahihinatnan; pangatlo, matututunan ng isang tao kung paano maghintay at maging matiyaga, at mapigilang magkamali sa pamamagitan ng pag-iisip sa mga bagay-bagay nang malinaw at tama. Makakamit ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Kapag natutunan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, madidiskubre mong walang bagay na simple, na kung hindi ka alerto at hindi ka magsisikap, hindi mo maayos na magagawa ang mga bagay-bagay. Pagkatapos na makapagsanay nang ganito nang ilang panahon, lalo kang magiging hinog at batikan kapag nangyari ang mga bagay-bagay sa iyong buhay. Magiging mas malumanay at mas mahinahon ang iyong saloobin, at sa halip na maging mapusok, mapagsapalaran, at mapagkumpitensiya, magagawa mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Pagkatapos, ang problema ng mga pagbubunyag ng mga tiwali mong disposisyon ay malulutas. Kaya, magiging madali para sa iyo na magpasakop, hindi naman talaga iyon ganoon kahirap. Maaaring medyo mahirap ito sa simula, pero puwede kang magtiyaga, maghintay at patuloy na maghanap sa katotohanan hanggang sa malutas mo ang problemang iyon. Kung palagi mong gustong gumawa ng sarili mong mga desisyon kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa iyo, at palagi kang nagbibigay ng mga pangangatwiran, at ipinipilit mo ang mga sarili mong ideya, medyo magiging problema ito. Ito ay dahil ang mga bagay na ipinipilit mo ay hindi positibo at lahat ay nakapaloob sa isang tiwaling disposisyon. Lahat ng bagay na iyon ay pagbubuhos ng isang tiwaling disposisyon, at, sa gayong mga sitwasyon, bagama’t maaaring nais mong hanapin ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa, at bagama’t nais mong manalangin sa Diyos, gagawin mo lang iyon nang walang sigla. Kung may nagbahagi sa iyo tungkol sa katotohanan at isiniwalat ang mga karumihan ng iyong layunin, paano ka magpapasya? Madali ka bang makapagpapasakop sa katotohanan? Mahihirapan ka nang husto na magpasakop sa panahong iyon, at hindi mo magagawang magpasakop. Magrerebelde ka at susubukan mong magbigay ng mga pangangatwiran. Sasabihin mo, “Ang mga desisyon ko ay para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hindi mali ang mga ito. Bakit hinihiling mo pa ring magpasakop ako?” Nakikita mo ba kung paanong hindi mo magagawang magpasakop? At maliban pa roon, lalaban ka rin; ito ay isang sadyang paglabag! Hindi ba’t napakagulo nito? Kapag may nagbabahagi sa iyo tungkol sa katotohanan, at hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at sadya ka pang lumalabag, naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, mabigat ang problema mo. Nanganganib kang mabunyag at maitiwalag ng Diyos.

Ang aralin sa pagpapasakop sa Diyos ay talagang malalim. Parang mahirap talaga ito kapag nagsimula kang pumasok dito, pero pagkatapos maranasan ito sa maikling panahon, hindi na ito ganoon kahirap. Ang pagsasagawa ng pagpapasakop ay nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga prinsipyo, at kapag nabigo ka nang ilang beses nang hindi nahahanap ang mga prinsipyo, ibig sabihin niyon ay hindi mo natutunan ang aralin; at ang pagpapasakop ay isa pa ring napakahirap na aralin para matutunan mo. Bakit ito mahirap? Dahil marami ang mga paghihirap sa kalooban ng mga tiwaling tao. May mga kuru-kuro, imahinasyon, pati iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon ang mga tao. Kung, karagdagan sa lahat ng iyon, may kaunti rin silang kaalaman at puhunan; kung nagtapos sila ng kolehiyo at kwalipikadong-kwalipikado; kung mayroon silang pera at katayuan sa lipunan at nagpapakita ng pagiging angat sa lahat ng uri ng mga aspekto, problema nga iyan. Malamang na hindi tatanggapin ng gayong mga tao ang katotohanan. Magiging magulo ang pagtataglay ng labis na kaalaman, dahil itinuturing ng mga tao ang kaalaman bilang ang katotohanan mismo, kaya masyadong nagiging mahirap arukin at tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala kang pagkatao o katwiran, para kang isang porkyupayn. Ang mga porkyupayn ay mga nakakatakot na hayop na walang sinumang puwedeng manggulo o mang-asar. Ganito ang mga tiwaling tao—hinding-hindi nila tatanggapin ang katotohanan at hinding-hindi sila nagpapasakop sa Diyos. Punung-puno ang puso nila ng kasamaan, at lubos silang nabubuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Bunga nito, ang bawat isang isyung nakakaharap ng mga tao ay nagbibigay sa kanila ng maraming hamon, at napupuno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at mapagmataas at inaakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Kapag pinupungusan sila, o kapag nakakaharap sila ng balakid sa isang bagay na ginagawa nila, nagdadahilan sila, nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa mga bagay-bagay, nagiging negatibo, at nagrereklamo. Naapektuhan sila at naililigaw ng mga kakatwang kuwento at argumento. Ang mga ito ay mga paghihirap. Kung malulutas ng mga tao ang mga paghihirap na ito, magagawa nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at magiging madali ang pagpapasakop sa Diyos. Kaya, para makamit ang pagpapasakop sa Diyos, dapat munang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito, at dapat magpasakop ang isang tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Iyon ang unang hadlang. Kaya, ano ang napapaloob sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Kinapapalooban ang mga ito ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Minsan, pupungusan ka ng mga tao, pangyayari at mga bagay na ito, minsan tutuksuhin ka nila, o susubukin ka, o aabalahin ka, o gagawin kang negatibo—pero hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, magagawa mong may matutunang isang bagay, magkamit ng tayog, at magkaroon ng lakas para lumaban. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aralin sa pagpapasakop sa Diyos. Kabilang sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, bagay, at iba’t ibang sitwasyon na pinalilitaw ng Diyos sa paligid mo. Kaya paano ka dapat tumugon kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon? Ang pinakapangunahing bagay ay ang tumanggap mula sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “tumanggap mula sa Diyos”? Ang pagrereklamo at paglaban—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Ang paghahanap ng mga katwiran at mga pagdadahilan—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Hindi. Kaya, paano mo ba dapat isagawa ang pagtanggap mula sa Diyos? Kapag may nangyayari sa iyo, una ay kumalma ka, hanapin ang katotohanan, at magsagawa ng pagpapasakop. Huwag kang magdahilan o mangatwiran. Huwag mong subukang suriin o ipalagay kung sino ang tama at kung sino ang mali, at huwag mong suriin kung kaninong pagkakamali ang mas mabigat, at kung kanino ang mas magaan. Isa bang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos ang palaging pagsusuri sa mga bagay na ito? Ito ba ay saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Hindi ito saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, o ng pagtanggap mula sa Diyos, o ng pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagtanggap mula sa Diyos ay bahagi ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng pagpapasakop sa Diyos. Kung sigurado kang ang lahat ng bagay na nangyayari sa iyo ay saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nangyayari ang mga bagay na iyon dahil sa mga pagsasaayos at kabutihang-loob ng Diyos, matatanggap mo ang mga ito mula sa Diyos. Magsimula ka sa hindi pagsusuri sa tama at mali, hindi pagdadahilan para sa iyong sarili, hindi paghahanap ng mali ng iba, hindi pagbubusisi, hindi pag-uusisa sa mga obhetibong sanhi ng kung ano ang nangyari, at hindi paggamit sa iyong utak bilang tao para suriin at busisiin ang mga bagay-bagay. Ang mga ito ang mga detalye ng kung ano ang dapat mong gawin para tumanggap mula sa Diyos. At ang paraan para isagawa ito ay ang magsimula sa pagpapasakop. Kahit na may mga kuru-kuro ka o kung hindi malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, magpasakop ka. Huwag mong simulan sa pagdadahilan o paghihimagsik. At pagkatapos magpasakop, hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Kanya. Paano ka ba dapat manalangin? Sabihin mo, “O Diyos, pinamatnugutan mo ang sitwasyong ito para sa akin bunga ng Iyong kabutihang-loob.” Ano ang ibig sabihin kapag sinabi mo ito? Ibig sabihin na mayroon ka nang saloobin ng pagtanggap sa iyong puso at kinilala mo na pinamatnugutan ng Diyos ang sitwasyong iyon para sa iyo. Sabihin mo: “O Diyos, hindi ko po alam kung paano magsagawa sa sitwasyong nakaharap ko ngayon. Hinihiling ko sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at ipaunawa sa akin ang Iyong layunin, para makakilos ako nang ayon dito, at hindi maging mapaghimagsik ni mapanlaban, at huwag sumandig sa sarili kong kalooban. Handa akong isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo.” Pagkatapos manalangin, makakaramdam ka ng kapayapaan sa iyong puso, at natural mong bibitawan ang iyong mga pagdadahilan. Hindi ba’t ito ay isang pagbabago sa iyong pag-iisip? Inihahanda nito ang daan para hanapin at isagawa mo ang katotohanan, at ang tanging problema na lang ay kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag naunawaan mo ito. Kung muli kang nagbubunyag ng paghihimagsik kapag dumarating ang panahong kailangan mong isagawa ang katotohanan, dapat kang muling manalangin sa Diyos. Sa sandaling malutas ang iyong paghihimagsik, natural na magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Kapag lumilitaw ang mga problema, dapat matuto kang manahimik sa harapan ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Kung palagi kang nagagambala ng mga panlabas na bagay, kung palaging pabago-bago ang iyong kalagayan, ano ang nagdudulot niyan? Ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at dahil ang tiwali mong disposisyon ang namamayani sa loob mo—hindi mo mapigilan ang iyong sarili. Sa mga pagkakataong tulad nito, dapat kang magnilay-nilay sa sarili at hanapin ang problema sa loob mo. Hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos at tingnan kung ano ang inilalantad ng mga ito. Pagkatapos, makinig sa mga sermon at pagbabahagi, o mga himno ng mga salita ng Diyos. Tingnan mo ang sarili mong kalagayan batay sa mga salitang ito. Ganyan mo puwedeng makita kung anong mga problema ang nariyan sa loob mo, at ang pagkakamit ng kaliwanagan sa mga problemang ito ay magpapadaling tugunan ang mga ito. Anumang isyu mayroon ang ibang tao na nagdudulot sa iyo ng problema, huwag mong bigyan ng kahit anong pansin ang mga ito. Ituon mo ang iyong isip sa sarili mong pagninilay-nilay. Huwag mong palakihin ang mga problema, sinasabing sinusubok ka ng Diyos. Wala itong kinalaman sa Diyos. Ang mga tiwaling tao ay ganap na walang kaalaman sa sarili at pinakamahusay sila sa pagpapalabas na mabuti sila. Huwag kang maging masyadong sensitibo. Kung matutukoy mong isa itong pagsubok mula sa Diyos, kailangan mong lalo pang pagnilayan ang mga sarili mong isyu; kung hindi mo lubusang aalisin ang tiwali mong disposisyon, patuloy ka lang na lilinlangin nito. Ano ang solusyon? Kailangan mong manalangin, “O Diyos, ako ay may napakamapagsariling-kalooban at napakamapagmataas! Palagi kong iniisip ang pagbibigay ng layaw sa laman. Masyado akong mapaghimagsik! Disiplinahin Mo nawa ako.” Pagkatapos ng iyong panalangin, medyo mag-aalala ka. “Paano kung talagang disiplinahin ako ng Diyos? Hindi, kailangan kong manalangin at manindigan; kahit gaano pa ako disiplinahin ng Diyos, kahit itulot pa Niyang ako ay magkasakit o mamatay, magpapasakop pa rin ako sa Kanya.” Kapag natapos mo na ang panalanging ito, magiging malakas ka sa loob, at magiging iba ang iyong kalagayan. Ano ang mararamdaman mo? Iisipin mo: “Pagkalipas ng lahat ng taong ito bilang mananampalataya, ito ang unang beses kong nakakaranas ng pagsubok mula sa Diyos. Iniabot Niya ang Kanyang kamay sa akin at pakiramdam ko ay napakalapit Niya sa akin. Personal akong inaakay ng Diyos, personal na inaayos ang ganitong uri ng pagsubok para sanayin ako, para dalisayin ako, ipinapahintulot na matutunan ko ang isang aral at makamit ang katotohanan mula rito. Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi ba’t kaliwanagan at pagtanglaw ito ng Diyos? Wala ka bang kaunting tayog sa puntong ito? (Mayroon.) Isa talaga itong praktikal na pang-unawa. Puwedeng ipagtaka mo sa iyong sarili: “Dahil sinusubok ako ng Diyos, anong uri ng saloobin ang dapat kong taglayin? Ano ang dapat kong gawin para malugod ang Diyos?” Kapag ganito ka mag-isip, at kapag ganito ka maghanap, maisasakatuparan mo ang pagpapasakop sa lalong madaling panahon. Hindi mo na ipagpipilitan ang sa iyo, at iisipin mo sa sarili mo: “Kung hindi ako magpapasakop, kundi palaging makikipagtalo, kung palagi na lang akong humahanap ng katwiran sa ibang tao o sa mga obhetibong pangyayari, nagdadahilan at sinusuri ang tama at mali, ni hindi ako tao. Isa akong hayop, ni hindi kapareho ng antas ng baboy!” Pagkatapos, makokonsensiya ka at hindi mapapakali. Iisipin mo: “Kailangan kong magpasakop sa Diyos ngayon din mismo. Nasa tabi ko ang Diyos, at ganito Niya ako ginagabayan. Madalas sinasabi na ganito ang kabutihang-loob ng Diyos—natikman ko na ito ngayon. Ang layunin ng Diyos ay iyong dapat akong matuto ng leksyon, na dapat akong magbago, hindi dapat na maipit sa gitna ng tama at mali. Ito ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, ang Kanyang paghatol at pagkastigo, ang Kanyang pagtustos at patnubay. Mahal na mahal ako ng Diyos, at tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaantig ang puso mo. Bakit ka maaantig? Dahil nauunawaan mo na ngayon ang layunin ng Diyos; personal mo nang naranasan ang pagmamahal ng Diyos; may karanasan ka mula sa patuloy na paghahanap ng katotohanan sa mga araw na ito. Puwede pa rin bang magrebelde ang mga tao laban sa Diyos habang nararanasan ito? Oo, puwede pa ring magkaroon ng pagrerebelde. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at palaging lumalabas ang iba’t ibang uri ng tiwali at kakatwang kaisipan, palagi nilang iniisip: “Sinusubok ako ng Diyos, kaya mamamatay na ba ako? Kung talagang dinidisiplina ako ng Diyos, bibigyan ba Niya ako ng malalang sakit? Natatakot ako!” Saan nagmumula ang takot? Nagmumula ito sa hindi pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sa pag-ayaw na pahintulutan ang Kanyang mga pamamatnugot sa pag-aalala na: “Ano ang mangyayari kung mamatay ako? Hindi ko talaga alam kung saan ang lugar ko!” Masyadong kakaunti ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos. Gaanong pananampalataya ang mayroon ang mga tao sa ganoong mga pagkakataon? Wala! Kung nanaisin talaga ng isang tao na tumakas mula sa mga kamay ng Diyos, ang kanyang pagtataksil sa Diyos ay lubos. Kapag dumating sa puntong ito ang mga bagay-bagay, gusto ng mga taong tumakas; hindi nila tinatanggap ang mga nangyayari. Ano ngayon ang puwedeng gawin? Hindi mo basta puwedeng sabihin: “Kaya kong magpasakop; parang medyo naantig ako. Nararamdaman ko ang biyaya ng Diyos at inalagaan ako ng Diyos. Sapat na iyon, at kuntento na ako.” Pero hindi iyon sapat. Kailangan mong magpatuloy sa pagsulong, kailangan mong patuloy na maghanap. Isipin mo: “Paano nagkaroon si Job ng pananampalataya niya? Hanggang saan niya nagawang magpasakop? Bakit ako takot na takot? Saan nanggagaling ang takot ko? Ito ay dahil masyadong maliit ang pananampalataya ko sa Diyos. Hindi ako naniniwala na pinakamasaya ako at pinakaligtas sa kamay ng Diyos; na ang Diyos ang aking kanlungan. Hindi ko pinaniniwalaan ang mga bagay na ito. Ako ay ganoong mapanlinlang at buktot na tao! Kinilala kong sinusubok ako ng Diyos, at ang isang pagsubok ay hindi nangangahulugang babawiin na ang buhay ko. Hindi Niya ako pinaglalaruan o hindi rin Niya ako sinasadyang ibunyag. Pagsubok lang ito, para linisin ang aking tiwaling disposisyon. Hindi ko pa rin magawang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, na ganap na magtiwala sa Diyos at ilagay ang aking sarili sa Kanyang kamay. Napakabuktot ko, at nagkasala ng mga pinakakarumal-dumal na bagay! Hindi ako karapat-dapat para sa pagsasaalang-alang na ito mula sa Diyos. Hindi ako karapat-dapat sa pangangalaga ng Diyos.” Ano ang puwede mong gawin pagkatapos niyon? Kailangan mong manalangin at hanapin ang katotohanan mula sa Diyos; pungusan ang iyong paghihimagsik at ang iyong mga motibo. Nauunawaan mo ang katotohanan sa antas na ito, pero wala ka pa ring kumpiyansa sa Diyos o nangangahas na ilagay ang iyong sarili sa mga kamay Niya. Ano ito? Ito ay pagtataksil. Dahil sa iyong pagiging mapanlinlang, sa iyong kayabangan, sa iyong paghihinala, at sa iyong kabuktutan, wala kang pagtitiwala sa Diyos. Dito nagmumula ang takot. Ano ang kahulugan ng takot? Ito ay kawalan ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay palaging pag-aalala: “Kung magpapasakop ako sa patnubay ng Diyos, ibibigay ba Niya ako kay Satanas at hahayaan akong mamatay?” Anong uri ng kaisipan ito? Hindi ba’t walang kabuluhan iyon? Bakit iisipin iyon ng isang tao tungkol sa Diyos? Kung wala ang katotohanan, walang anumang makitang malinaw ang mga tao, kundi palaging nagkakaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at naghahaka-haka tungkol sa Kanya. Ang paglutas sa problemang ito ay nangangailangang maunawaan ng isang tao ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magagawa ng mga taong makapagsalita nang may katwiran, sa paraang dapat gawin ng tao. Sa kabila ng katunayang naramdaman mo ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos, sa kabila ng katunayang natamasa mo ang pakiramdam ng kapayapaan at kagalakang ibinigay ng Diyos at ang katunayang pakiramdam mo ay ligtas na ligtas ka, nag-aatubili ka pa ring ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga kamay ng Diyos. Natatakot ka pa rin. Hindi ba’t pagrerebelde ito? Ano ang nakahalo sa pagrerebeldeng ito? Ano ang nagkokontrol dito? Ang pagiging mapanlinlang at mapagmataas. Hindi ba’t ito ay tunay na malademonyong kalikasan? Kung may malademonyong kalikasan ang isang tao, mayroon siyang satanikong disposisyon. Paano ba malulutas ang isyung ito? Para magawa ito, kailangan ng mga taong hanapin ang katotohanan. Kung hindi mahal ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit gaano pang katiwalian ang ibinubunyag nila, hindi malulutas kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi madaling makakamit ng ganoong uri ng tao ang kaligtasan.

Kapag hinahanap ang katotohanan para lutasin ang isang tiwaling disposisyon, anong uri ng mga resulta ang kailangang makamit para masabing nalutas na ang problema? Alam na alam ng ilang tao na ang isang partikular na sitwasyon ay pagsubok mula sa Diyos, pero ayaw ipagkatiwala ang kanilang sarili sa Kanyang mga kamay. Pakiramdam nila ay hindi maaasahan ang Diyos, na hindi Siya mapagkakatiwalaan. Hindi lamang na hindi sila nangangahas na sumandal sa Diyos, kundi kinatatakutan nila ang mga sitwasyong ito. Kapag umabot ang mga bagay sa puntong iyon, anong mga katotohanan ang dapat nilang taglayin sa kanilang sarili? Paano sila dapat maghangad? At gaanong paghahangad ang kailangan para malinis sila, para makamit ang ganap na pagpapasakop, at para matahak ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan ng pagpapasakop. Sa oras na ito, wala ka talagang kaalaman sa Diyos, at walang paraan para mataglay mo ang tunay na pananampalataya. Kung walang tunay na pananampalataya, anong mga katotohanan ng mga pangitain ang kailangan mong taglayin para makamit mo ang ganap na kalayaan mula sa pagdududa, paghihinala, mga maling pagkaunawa at paglaban sa Diyos, at na magpapahintulot sa iyo na lubusang magpasakop? Aling mga katotohanan ang dapat mong taglayin para malutas ang mga isyung ito at maabot ang lubos na kalayaan mula sa karumihan, mula sa mga personal na kinakailangan, at mga pagpapasya? Isang bagay ito na hindi pa rin malinaw sa iyo. Pag-isipan mo ito—anong uri ng paghahangad ang kailangan para makamit ang lubos na pagpapasakop sa Diyos? Kailangan mong magtaglay ng ilang katotohanan. Kapag nakamit mo na ang katotohanan bilang iyong buhay, iyon ang magiging tayog mo. Iyon ang magiging batayan at pundasyon kung saan puwede mong makamit ang pagpapasakop. Puwede mong makamit ang ganap na pagpapasakop sa pamamagitan ng mga katotohanang ito. Kaya, aling mga katotohanan ang kailangan mong taglayin sa iyong sarili? (Kailangan naming hangarin ang kaalaman tungkol sa Diyos.) Isang bahagi iyon nito. Bukod pa roon, kailangan mismo ng mga tao na magkaroon ng kaunting pagtutulungan, at ilang pagsasagawa. Natatandaan ba ninyo ang sinabi ni Pedro? (“Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?”) Tungkol ito sa pagpapasakop. Kung ganito mo nararanasan ang mga bagay-bagay, unti-unti mong matututunan ang katotohanan at siguradong makakakuha ka ng mga resulta. Una, kailangan mo ng saloobing nagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan. Huwag mong alalahanin kung anong uri ng tingin ang ipinupukol sa iyo ng Diyos, kung ano ang Kanyang saloobin at tono ng boses sa iyo, kung tutol ba Siya sa iyo o hindi, at kung ibubunyag ka ba Niya o hindi. Magsimula ka sa pamamagitan ng paglutas sa mga sarili mong paghihirap at problema. Madali bang maabot ng mga ordinaryong tao ang sinabing ito ni Pedro? (Hindi madali, hindi.) Anong mga karanasan ang mayroon siya at anong mga realidad ang tinaglay niya kaya nasabi niya iyon? (Lubos siyang nanalig na kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao, ito ay para iligtas ang tao at ito ay pagmamahal at wala nang iba. Iyon ang dahilan kung bakit masaya siya na makapagpasakop.) Sinabi ni Pedro, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan,” at sinabi mo, “kahit paano pa tratuhin ng Diyos ang tao.” Tinitingnan mo ang iyong sarili bilang isang nilikha, bilang isang tagasunod ng Diyos, at bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kaya, may pagkakaiba ba sa pagitan ng dalawa? Oo, mayroon. May pagkakaiba! Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang laruan at ng isang tao? Ang isang laruan ay wala talagang kabuluhan—wala itong kwenta, isang abang bagay. Tawagin mo itong laruan, o tawagin mo man itong hayop—ganoong uri ng bagay ito. Pero paano naman ang isang tao? Ang isang tao ay may mga kaisipan at may utak; nagagawa niyang magsalita at gumawa ng mga bagay, at kaya niyang gumawa ng mga normal na aktibidad ng tao. Kung ikukumpara sa laruan, may kaibahan ba sa halaga at katayuan ng isang tao? Kung itinuturing mo ang iyong sarili bilang tao, at hindi isang laruan, wala ka bang mga hinihingi pagdating sa pagtrato sa iyo ng Diyos? Ano ang mga hinihingi mo sa Diyos? (Na tratuhin ako gaya ng isang tao.) Paano ka ba dapat tratuhin ng Diyos gaya ng isang tao? Kung ibinahagi sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan at hiningi sa iyong tugunan mo ang mga ito, magagawa mo ba ito? Kung ipinahayag ng Diyos ang katotohanan at hiningi sa iyong sundin ito, magagawa mo ba ito? Kung hiningi ng Diyos sa iyo na magpasakop sa Kanya at mahalin Siya, kaya mo ba itong gawin? At kung hindi mo magagawa ang alinman sa mga iyon, paano ka matatrato ng Diyos gaya ng isang tao? Kung wala kang anumang konsensiya o katwiran at hindi mo magawa ang mga bagay na dapat gawin ng tao, paano ka matatrato ng Diyos gaya ng isang tao? Kung padalus-dalos lang kumilos ang mga tao, tumatangging tanggapin ang katotohanan at hinuhusgahan pa at kinokondena ang Diyos, ginagawa ang kanilang sarili na mga kaaway Niya, mayroon ba silang pagkatao? Tatratuhin ba ng Diyos ang ganoong uri ng tao bilang isang tao? Tatratuhin ba ng Diyos ang mga Satanas at ang diyablo bilang mga tao? Ang ituring ka bilang isang tao at ang ituring ka bilang isang laruan ay isang usapin ng mga pagkakaiba sa saloobin at pagtrato. Kung itinuturing kang isang tao, anong uri ng pagtrato ang hihingin mo? Na igalang ka, na konsultahin ka, na isaalang-alang ang damdamin mo, na bigyan ka ng sapat na espasyo at kalayaan, at na isaalang-alang ang iyong dignidad at reputasyon. Ganoon tinatrato ang mga tao. Pero paano ang mga laruan? (Wala talagang kabuluhan ang mga ito. Puwedeng sipain ang mga ito.) (Puwede mong gamitin ang mga ito kapag gusto mong gamitin ang mga ito, at ihagis sa isang tabi kapag ayaw mo.) Angkop na sabihin iyon. Ito ang kailangan ninyong sabihin tungkol sa pagtrato sa mga laruan, kaya paano ninyo ilalarawan ang pagtrato sa isang tao bilang isang laruan? (Ginagamit ninyo sila kapag kailangan ninyo sila, at binabalewala lang kapag hindi ninyo kailangan.) Tinatrato ninyo sila nang walang anumang respeto, at hindi kailangang protektahan ang kanilang mga karapatan. Hindi ninyo sila binibigyan ng anumang karapatan, o awtonomiya, o kalayaang pumili. Hindi sila kailangang konsultahin sa mga bagay-bagay, o isaalang-alang ang kanilang dangal, o anumang gaya niyon. Puwede kang maging mabait sa kanila kapag maganda ang pakiramdam mo, pero puwede mo silang sipain kapag hindi. Ganoon ang saloobin tungkol sa isang laruan. Kung tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan, ano ang mararamdaman nila? Mararamdaman pa rin kaya nilang kaibig-ibig ang Diyos? (Hindi.) Pero nagawa ni Pedro na purihin ang Diyos. Anong mga katotohanang realidad ang tinaglay niya na nagpahintulot sa kanyang makamit ang pagpapasakop hanggang sa punto ng kamatayan? Hindi talaga tinrato ng Diyos ang tao na parang isang laruan. Pero nang maabot ng pang-unawa ni Pedro ang antas na ito, naisip niya: “Kung tatratuhin ako ng Diyos sa paraang iyon, dapat pa rin akong magpasakop dito. Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Nakamit ni Pedro ang kahandaang ito, ang pagpayag na ito. Ano ang tinutukoy ng pagiging “handa at payag”? (Ipasailalim ang sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at sa lubos na pagpapasakop sa mga ito.) Iyon ang katotohanan tungkol sa pagpapasakop. Hindi ba’t paraan ng pagtrato sa isang laruan ang ibigay ka kay Satanas? Itatapon ka kapag hindi ka kailangan, ibibigay kay Satanas para matukso ka nito at mapagmukha kang hangal. Ano ang naging saloobin ni Pedro? Nagkaroon ba siya ng anumang reklamo? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Bumaling ba siya kay Satanas? (Hindi.) Pagpapasakop ang tawag dito. Wala siyang anumang reklamo, wala siyang mga pagpapakita ng pagiging negatibo o paglaban. Hindi ba nalutas ang kanyang tiwaling disposisyon? Ito ay perpektong umaayon sa Diyos. Hindi ito usapin ng kung pagtataksilan ba niya ang Diyos o hindi. Usapin ito ng: “Saan man ako ilagay ng Diyos, nasa puso ko ang Diyos; saan man ako ilagay ng Diyos, ako ay sa Kanya. Kahit gawin pa Niya akong abo, mananatili akong sa Diyos. Hindi ako kailanman babaling kay Satanas.” Nagawa niyang maabot ang antas na ito ng pagpapasakop. Madali itong sabihin, pero mahirap itong gawin. Kailangang nagtataglay ka ng katotohanan sa ilang panahon hanggang sa makita mo ang lahat ng ito nang kumpleto at malinaw, sa gayon ay magiging lalong mas madali ang pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo kinakailangang magkaroon ng lubos na kaalaman sa Diyos, ni hindi kinakailangang magbunyag ang Diyos ng isang bagay na partikular sa iyo. Kung kaya mong magkaroon ng wastong saloobin at ng uri ng pagpapasakop na ito, sapat na iyon. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang hinihingi para sa pagtrato sa iyo ng Diyos, o hingin sa Kanya na bigyan ka ng eksaktong pamantayan. Kahit umaayon pa ang isang bagay sa katotohanan at isa itong bagay na mayroon dapat ang Lumikha, hindi mo ito dapat hingin. Dapat mong sabihin: “O Diyos, paano Mo man ako tratuhin ay tama. Puwede Mong itulot na ako ay mamatay; puwede Mo akong ipadala sa impiyerno. Paano Mo man ako tratuhin ay ayos lang. Kahit ibigay Mo pa ako kay Satanas, ang Diyos pa rin ang magiging Diyos ko, at mananatili pa rin akong nilikha ng Diyos. Hindi Kita kailanman tatalikuran.” Kapag may ganito kang saloobin, taglay mo ang realidad ng pagpapasakop. “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?” Ang pahayag na ito na ginawa ni Pedro ay napakahalaga para sa inyong lahat! Ito ang pagpapasakop ni Pedro. Kung palagi mong pag-iisipan ang pahayag na ito at kung magkakamit ka ng tunay na pang-unawa at karanasan rito, makikita mong magiging mas madaling magpasakop sa Diyos. Ang mga aspekto kung saan nagrerebelde ang mga tao laban sa Diyos ay mga aspekto kung saan sila ay pinakahindi makatwiran. Kapag hindi nagawa nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, kapag wala silang nagampanang anumang totoong trabaho, mas maganda ang ugali nila, at pakiramdam nila ay wala silang karapatang mangatwiran o lumaban sa Diyos. Pero sa sandaling may nagawa na silang kaunting gawain o nakapagtrabaho nang kaunti, pakiramdam nila ay may kaunting puhunan na sila. Gusto nilang mangatwiran sa Diyos, at gusto nila ang mga pagpapala ng Diyos. Nagiging magulo ito. Hindi normal ang katwiran nila—hindi ba’t ubod ng sama niyon? Ganoon kaawa-awa ang mga taong walang katotohanang realidad. Puwede bang maging ayos lang ang sinuman kung hindi siya nagtataglay ng katotohanan? Hindi maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon nang hindi tinatanggap ang katotohanan; ang hindi pagtataglay ng katotohanan ay nangangahulugan na hindi normal ang konsensiya at katwiran ng isang tao. Puwedeng nauunawaan nila ang ilang doktrina, at nakapagsasalita ng mga bagay gaya ng: “Isa akong nilikha at dapat akong magpasakop sa Diyos. Iyon ang katwiran na dapat kong taglayin.” Puwedeng nauunawaan nila ito sa salita, at kaya nilang isigaw ang mga islogan, pero kapag talagang may nangyari, hindi nila ito kayang tanggapin o magpasakop dito kahit na alam na alam nilang pinamatnugutan ito ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil mapaghimagsik ang mga tao, hindi nalulutas ang tiwali nilang disposisyon, at kayang-kaya nilang pagtaksilan ang Diyos. Iyon ang realidad ng sitwasyon. Kung hindi nagtataglay ang mga tao ng sapat na katotohanan, magiging ganito kaawa-awa ang kanilang buhay. Hindi ba’t ang mga nagrerebelde laban sa Diyos, na hindi nagagawang magpasakop sa Diyos o tumanggap ng Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos ay mga mananampalataya sa Diyos? Bakit hindi nila kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Dahil hindi nila tinatanggap o pinananaligan ang katotohanan. Hindi ba’t iyon ay isang katunayan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao tungkol sa isang partikular na tao: “Mapagmataas at mapagmagaling siya. Kapag may nangyayaring isang bagay, palagi siyang lumalaban. Palagi siyang nagdadahilan at naghahanap ng mali. Hindi siya nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, o sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kaya hindi siya makapagpasakop sa Diyos.” Pero sa kabilang banda, nananampalataya siya na ang mga ito ay pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos; na inihanda ng Diyos ang sitwasyong ito para sa kanya; na gusto ng Diyos na linisin siya at na makamit niya ang katotohanan sa pamamagitan nito. Magagawa ba niyang magpasakop? Magagawa ba niyang tumigil sa pagiging mapaghimagsik, at umiwas sa pagtataksil sa Diyos? Posible bang tanggapin niya ito mula sa Diyos? Hindi, hindi niya kaya. Bakit hindi? Dahil hindi taglay ng tao ang mga katotohanang realidad na ito. Masyadong maliit ang kasalukuyan ninyong tayog. Kaya sa ngayon, hindi kayo sinusubok ng Diyos. Ito ang pangunahing dahilan. Dahil sa sandaling sinubok kayo, ipapakita ninyong lahat ang tunay ninyong pagkatao at matitiwalag kayo, at mapapahalakhak si Satanas. Hindi ba’t iyon ang realidad? Masyadong maliit ang inyong mga tayog ngayon. Kaya ninyong pag-usapan ang tungkol sa doktrina at bigkasin ang mga islogan, at magagawa ninyong makita nang malinaw ang mga problema ng ibang tao, pero hindi ninyo alam ang sarili ninyong kalagayan; hindi ito malinaw sa inyo. Susubukin ba kayo ng Diyos, sa ganyang uri ng kalagayan at tayog? Hindi pa dumarating ang panahon para gawin ang gawain ng pagperpekto sa inyo; hindi kayo nakahanda para rito.

Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aral na kinakaharap ng bawat isang tagasunod ng Diyos. Ito rin ang pinakamalalim na aral. Kung hanggang saang antas mo nagagawang magpasakop sa Diyos, ganoon kalaki ang iyong tayog, at ganoon kalaki ang iyong pananampalataya—magkakaugnay ang mga bagay na ito. Aling mga katotohanan ang kailangan mong taglayin para maabot ang lubos na pagpapasakop? Una, hindi ka puwedeng humingi ng anuman sa Diyos—katotohanan ito. Paano mo maipapatupad ang katotohanang ito? Kapag may hiningi ka sa Diyos, gamitin mo ang katotohanang ito para pag-isipan at pagnilayan ang iyong sarili. “Ano ang mga hinihingi ko sa Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Makatwiran ba ang mga ito? Saan nagmula ang mga ito? Nagmula ba ang mga ito sa mga sarili kong imahinasyon, o ang mga ito ay mga kaisipan na ibinigay ni Satanas sa akin?” Ang totoo ay wala sa mga bagay na ito. Ang mga ideyang ito ay bunga ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kailangan mong himayin ang mga motibo at pagnanais sa likod ng mga hindi makatwirang hinihinging ito, at tingnan kung akma ba ito sa katwiran ng normal na pagkatao o hindi. Ano ba ang dapat mong hangarin? Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, dapat mong hangaring maging isang tagasunod, tulad ni Pedro. Sinabi ni Pedro, “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Hindi nauunawaan ng ilang tao ang sinabing ito ni Pedro. Tinatanong nila: “Kailan pa tinrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan at ibinigay tayo kay Satanas? Hindi ko nakita iyon. Naging napakabuti ng Diyos sa akin, napakamapagbigay-loob. Ang Diyos ay hindi ganoong uri ng Diyos. Labis ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao, kaya bakit Niya tatratuhin ang mga tao na parang mga laruan? Hindi iyon tugma sa katotohanan. Isa itong maling pagkaunawa sa Diyos at hindi tunay na kaalaman sa Diyos.” Pero saan nagmula ang mga salitang ito ni Pedro? (Nagmula ang mga ito sa kanyang kaalaman sa Diyos, na nakamit matapos dumaan sa lahat ng uri ng mga pagsubok.) Dumaan si Pedro sa napakaraming pagsubok at pagpipino. Isinantabi niya ang lahat ng kanyang mga personal na hinihingi, plano, at pagnanais, at hindi niya hiningi na may anumang gawin ang Diyos. Hindi siya nagkaroon ng mga sarili niyang kaisipan noon, at isinuko niya ang kanyang sarili nang lubos sa Diyos. Inisip niya: “Magagawa ng Diyos ang anumang gusto Niyang gawin. Magagawa Niya akong isailalim sa mga pagsubok, magagawa Niya akong ituwid, magagawa Niya akong hatulan o kastiguhin. Magagawa Niyang magpalitaw ng mga sitwasyon para pungusan ako, magagawa Niya akong pagtimpiin, magagawa Niya akong ihagis sa yungib ng leon o lungga ng mga lobo. Anuman ang gawin ng Diyos, tama ito, at magpapasakop ako sa anumang bagay. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi ako magkakaroon ng anumang reklamo o anumang kapasyahan.” Hindi ba’t ito ay lubos na pagpapasakop? Iniisip minsan ng mga tao: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit wala akong nadiskubreng anumang katotohanan sa bagay na ito na ginawa ng Diyos? Tila kahit ang Diyos ay gumagawa ng mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan minsan. Nagkakamali rin ang Diyos minsan. Pero kahit ano pa man, ang Diyos ay Diyos, kaya magpapasakop ako!” Ang ganitong uri ba ng pagpapasakop ay lubos? (Hindi.) Ito ay pagpapasakop na may pinipili; hindi ito tunay na pagpapasakop. Kontra ito sa kung paanong inisip ito ni Pedro. Sa pagtrato sa iyo na parang laruan, hindi na kailangang ipaliwanag ang dahilan sa iyo o magmukhang patas at makatwiran sa iyo. Puwede ka naman talagang tratuhin sa anumang paraan; hindi na kailangang talakayin ang mga bagay-bagay sa iyo o ipaliwanag ang mga katunayan at katwiran. Kung hindi maitutuloy ang mga bagay-bagay nang walang pahintulot mo, tinatrato ka na ba nitong parang laruan? Hindi—pagbibigay iyon sa iyo ng kumpletong karapatang pantao at kalayaan, at buong respeto. Pagtrato ito sa iyo bilang isang tao, at hindi bilang isang laruan. Ano ang isang laruan? (Isa itong bagay na walang awtonomiya at walang karapatan.) Pero isa lang ba itong bagay na walang anumang karapatan? Paano maipapatupad ang mga salita ni Pedro? Halimbawa, sabihin na nating medyo matagal-tagal ka nang naghahanap sa isang partikular na paksa, pero hindi mo pa rin naunawaan ang layunin ng Diyos. O, sabihin nating lampas 20 taon ka nang nananalig sa Diyos at hindi mo pa rin alam kung tungkol saan ang lahat ng ito. Hindi ka ba dapat magpasakop sa sitwasyong ito? Kailangan mong magpasakop. At saan nakabatay ang pagpapasakop na ito? Nakabatay ito sa sinabing ito ni Pedro: “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Kung palagi mong hinaharap ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ginagamit ang mga iyon para sukatin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos, hindi ba ito panghuhusga sa Diyos, hindi ba ito paglaban sa Diyos? Akma nga kaya ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? At kung hindi, sa gayon ba ay hindi mo ito tinatanggap o sinusunod? Sa gayong mga pagkakataon, paano mo dapat hanapin ang katotohanan? Paano mo dapat sundin ang Diyos? Kinapapalooban ito ng katotohanan; dapat maghanap ng sagot mula sa mga salita ng Diyos. Kapag nananalig sila sa Diyos, dapat manatili ang mga tao sa lugar ng isang nilikha. Anumang oras, nakatago man o nagpakita sa iyo ang Diyos, nadarama mo man ang pagmamahal ng Diyos o hindi, dapat alam mo kung ano ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa pagsasagawa. Kung nakakapit ka pa rin sa iyong mga kuru-kuro, na sinasabing, “Kung malinaw kong makikita na nakaayon ang bagay na ito sa katotohanan at nakaayon sa aking mga kaisipan, magpapasakop ako; kung hindi malinaw sa akin at hindi ko makumpirma na ang mga ito ay gawa ng Diyos, maghihintay muna ako sandali, at magpapasakop ako kapag natitiyak ko nang gawa ito ng Diyos,” isang tao ba ito na nagpapasakop sa Diyos? Hindi. Isa itong kondisyunal na pagpapasakop, hindi lubos, at ganap na pagpapasakop. Hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; hindi umaayon ang pagkakatawang-tao sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at lalong hindi ang paghatol at pagkastigo. Talagang nahihirapan ang karamihan ng tao na tanggapin ito at magpasakop dito. Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, kaya mo bang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Talagang imposible iyon. Ano ang tungkulin ng isang nilikha? (Ang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, tanggapin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyon, iyon ang ugat nito. Hindi ba’t madaling solusyunan ang isyung ito? Ang tumayo sa lugar ng isang nilikha at magpasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos—ito ang dapat itaguyod ng bawat nilikha. Napakarami ng mga katotohanang hindi mo nauunawaan o nalalaman. Hindi mo maarok ang mga layunin ng Diyos, kaya hindi mo tatanggapin ang mga katotohanan o magpapasakop sa mga ito—tama ba iyon? Halimbawa, hindi mo nauunawaan ang ilang propesiya, kaya hindi mo kinikilala na mga salita ng Diyos ang mga iyon? Hindi mo ito maitatanggi. Ang mga salitang iyon ay palaging mga salitang mula sa Diyos, at nilalaman ng mga ito ang katotohanan. Kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito. Kung hindi natupad ang ilang salita ng Diyos, ibig bang sabihin nito na hindi mga salita ng Diyos ang mga ito, na hindi katotohanan ang mga ito? Kung sinasabi mo: “Kung hindi ito natupad marahil ay hindi ito mga salita ng Diyos. Baka nahaluan na ito,” anong uri ng saloobin ito? Isa itong saloobin ng pagrerebelde. Dapat mayroon kang katwiran. Ano ba ang katwiran? Ano ang batayan ng pagkakaroon ng katwiran? Nakabatay ito sa pagtayo sa lugar ng isang nilikha at sa pagpapasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos. Ito ang katotohanan; isang walang-hanggan at hindi nagbabagong katotohanan. Kailangan bang nakabatay ang pagpapasakop sa Diyos sa kung alam mo o nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, o sa kung ipinakita ba o hindi ng Diyos sa iyo ang Kanyang mga layunin? Kailangan bang nakabatay ito sa lahat ng ito? (Hindi.) Saan ito nakabatay? Nakabatay ito sa katotohanan ng pagpapasakop. Ano ang katotohanan ng pagpapasakop? (Ang pagtayo sa lugar ng isang nilikha at pagpapasakop sa Lumikha.) Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Kailangan mo bang suriin ang tama at mali? Kailangan mo bang isaalang-alang kung tama ba ang ginawa ng Diyos o hindi para makamit ang lubos na pagpapasakop? Kailangan bang malinaw at lubusang ipaliwanag ng Diyos ang aspektong ito ng katotohanan para magpasakop ka? (Hindi, hindi Niya kailangan.) Ano pa man ang ginagawa ng Diyos, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagpapasakop—sapat na iyon. Napakahilig makipag-argumento ng ilang tao at palaging inuudyukan ang mga bagay-bagay. Palagi nilang iniisip: “Hindi ba’t ang Diyos ang katotohanan? Hindi ba’t ang Diyos ang Lumikha? Bakit may ilang bagay na ginagawa ang Diyos na hindi ko maintindihan? Bakit hindi ipaliwanag ng Diyos nang malinaw ang mga bagay-bagay sa akin? Kung hindi Niya ito ipinaliwanag, paano ko ito maisasagawa? Ang dahilan ba kung bakit hindi ko magawang magpasakop dito ay dahil hindi ko ito maintindihan? Hindi ako magkakaroon ng udyok na magpasakop kung hindi ko ito maintindihan!” Hindi ba’t pagrerebelde ito? Kailangan mo ba ang udyok na ito para magpasakop? Hindi mo ito kailangan. Ang kailangan mo lang ay isang simpleng uri ng makatwirang pag-iisip, na ito ay: “Magpapasakop ako sa anumang bagay na mula sa Diyos. Kapag natupad ang mga salita ng Diyos, magpapasakop at magpupuri ako sa Diyos; kapag hindi natupad ang mga salita ng Diyos, mga salita pa rin Niya ang mga ito, at hindi magiging mga salita ng tao dahil lang sa hindi natupad ang mga ito. Ang kailangan ko lang ay magpasakop, nang walang panghuhusga. Ang Diyos palagi ang magiging Diyos ko.” Ganyan mo ilulugar ang iyong sarili bilang isang nilikha. Sa ganitong uri ng katwiran, sa mga katotohanang realidad na ito, minsan pakiramdam mo ay para lang mga laruan o langgam ang mga tao sa paningin ng Diyos, magagalit ka pa rin ba? Mararamdaman mo bang mababa ka? (Hindi.) Hindi mo na mararamdamang mababa ka dahil tinatrato kang tao ng Diyos, at mayroon ka pa ring katayuan sa harapan Niya. Itinaas ka ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi mo nararamdamang mababa ka. Kung hindi ka itinaas ng Diyos, kung palagi ka na lang Niyang pinupungusan, hindi magiging masaya ang pakiramdam mo tungkol dito. Ang hindi pagiging masaya sa ganoong paran ay isang problemang dapat harapin. Madalas na ganoon ang pakiramdam ng mga tao dahil masyadong marami ang mga paghihirap sa kanila; palagi silang may mga hinihingi sa Diyos, at palagi nilang iniisip: “Dapat Mo akong tratuhin gaya ng isang tao. Dapat Mo akong igalang at hangaan, na isipin ako at maging maunawain sa aking mga kahinaan. Kailangan Mong maging mapagpasensya. Maliit ang tayog ko, at wala akong pang-unawa. Hindi pa ako nakagawa ng ganitong uri ng gawain noon.” Palagi silang may isang malaking tambak ng mga dahilan at wala talagang pagpapasakop. Matapos ang pagbabahagi ngayon sa katotohanan ng pagpapasakop, mga tunay na katwiran ba ang mga dahilang ito? Walang isang dahilan ang tunay na katwiran. Ang responsabilidad mo, ang obligasyon mo, at ang tungkulin mo ay magpasakop.

Madali para sa mga tao na magpasakop kapag wala silang anumang problema. Pero kapag lumitaw ang mga problema hindi na sila makapagpasakop. Ano ang maaaring gawin sa kasong ito? Kinakailangang manalangin at hanapin ang katotohanan para lutasin ang problemang ito. Mula sa isang tao na ang pakiramdam ay isa siyang marangal na tao na itinaas ng Diyos, tungo sa parehong tao na ang pakiramdam ay isang hamak siyang laruan na walang merito sa paningin ng Diyos, walang kahit ano, isang walang kuwentang sawing-palad, at nagagawang masayang magpasakop sa Diyos at walang hinihinging anuman sa Kanya—gaano katagal ang kinakailangan para maabot ang ganoong antas ng karanasan? (Sa kanyang huling pitong taon, dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok. Kung hindi hahangarin ng isang tao ang katotohanan, hindi niya makakamit iyon kahit maraming taon na siyang nananampalataya.) Hindi ito tungkol sa dami ng taon ng pananampalataya—sa halip, depende ito sa kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at kung nagagawa niyang gamitin ang katotohanan para lutasin ang problema ng isang tiwaling disposisyon. Depende ang lahat ng ito sa kung ano ang paghahangad mo. Walang hinahangad ang ilang tao kundi ang reputasyon at katayuan, palaging gustong ibandera ang kanilang sarili at mamukod-tangi sa karamihan. Bumabagsak sila kapag nakakaharap ang pinakamaliit na hadlang o kabiguan, nagiging negatibo at paralisado. Gusto ng ilang tao na makalamang, pero hindi nila minamahal ang katotohanan; masaya sila kapag nakinabang sila sa kapinsalaan ng iba, at hindi sila nalulungkot o nababahala kung hindi nila nakamit ang katotohanan. Walang sigla sa kanilang pananampalataya ang ilan kung wala silang anumang katayuan, at mas masigla pa kaysa sa sino pa man kapag mayroon sila ng katayuang ito; hindi sila kailanman nagiging negatibo, at masaya silang labis na magpapakahirap. Hindi lang talaga nila iniintindi ang pagsasagawa sa katotohanan o paggawa ng mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo, at bilang resulta, wala pa rin silang patotoong batay sa karanasan matapos ang maraming taon ng pananampalataya. Naiinggit at nanghihinayang sila kapag nakikita nila ang iba na ilang taon pa lang nagiging mga mananampalataya at may kahanga-hangang patotoong batay sa karanasan, pero paglipas ng pakiramdam na iyon hindi pa rin nila hinahangad ang katotohanan. Kung hindi tututukan ng isang tao ang pagpupursigi sa katotohanan, kung hindi niya gagamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kahit gaano karaming taon ng pananampalataya ang taglay niya, wala itong silbi. Hindi kailanman mapeperpekto ng Diyos ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Naperpekto si Pedro sa pagdaan niya sa daan-daang pagsubok—hindi ba’t kailangan din ninyong dumaan sa daan-daang pagsubok? Ilang pagsubok na ang napagdaanan ninyo sa puntong ito? Kung hindi daan-daan, may isang daan man lang ba? (Wala. Wala pa.) Naperpekto si Pedro sa pamamagitan ng daan-daang pagsubok, kaya kung wala pa kayong napagdaanan kahit isa, o isang daan pa lang ang napagdaan ninyo, walang sinabi ang karanasan ninyo kung ikukumpara sa karanasan niya. Kulang ang tayog mo. Hindi ba’t kailangan mong pagsikapang hangarin ang katotohanan? At paano mo dapat gawin iyon? Kailangan mong pagsikapang maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Huwag kang maging pabaya at magulo ang isip, hindi seryosong pinag-iisipan ang anumang bagay, namumuhay nang walang iniintindi at nagpapakaabala na lang sa mga gawain buong araw. Hindi ito para sabihing problema ang maging abala—kung marami kang kailangang gawin, kailangan mong maging abala; hindi palaging isang opsyon ang hindi pagiging abala. Pero habang nagpapakaabala ka sa pag-aasikaso ng lahat, dapat pagpursigihan mo pa rin ang katotohanan at ang mga prinsipyo; dapat mo pa ring subukang maintindihan ang mga bagay-bagay at hilingin sa Diyos ang anumang kulang sa iyo. Paano mo hihilingin sa Diyos ang isang bagay? Araw-araw, tahimik kang manalangin sa Diyos sa iyong puso para sa bagay na iyon. Ipinapakita nitong nasasabik ka sa katotohanan sa iyong puso, at may kalooban kang hayaan ang Diyos na tuparin ang mga minimithi mo. Kung tapat ang puso mo, pakikinggan ng Diyos ang mga panalangin mo; isasaayos at ihahanda niya ang mga angkop na sitwasyon para sa iyo para matuto ka ng mga leksyon. Maaaring sabihin mo, “Kulang talaga ang tayog ko. Bibigyan ba ako ng Diyos ng malaking pagsubok na dudurog sa akin?” Hindi, imposible iyon. Tiyak na hindi gagawin ng Diyos ang ganoong bagay. Alam ng Diyos nang higit kung gaano kalaki ang pananampalataya ng isang tao at kung ano ang totoong tayog niya. Kailangan mo itong sampalatayanan. Hindi kailanman ipapapasan ng Diyos sa isang tatlong taong gulang na bata ang pasanin ng isang matanda—hindi kailanman! Dapat matiyak mo ito sa iyong puso. Pero kailangan mo itong hilingin sa Diyos. Dapat magkaroon ka ng ganoong pagnanais at ganoong paninindigan, at saka pa lamang kikilos ang Diyos sa iyong kahilingan. Kung palagi kang nangangamba at nagtatago, natatakot na masubok, kung palagi mong gustong magkaroon ng mga araw na mapayapa at walang iniintindi, hindi gagawa ang Diyos sa iyo. Samakatuwid, kailangan mo lang na malaya at matapang na makiusap sa Diyos, tunay na ialay ang iyong sarili, at ilagak ang lahat ng bagay sa Diyos, at saka pa lamang gagawa ang Diyos sa iyo. Tiyak na hindi gagawa ang Diyos para walang pakundangang pahirapan ang mga tao, kundi para makamit ang mga resulta at layunin. Hindi gagawa ang Diyos ng mga walang kabuluhang gawain o ipapapasan sa iyo ang isang bagay na hindi mo kayang pasanin—dapat mo itong sampalatayanan. Para maghangad ng pagkaperpekto, para maghangad na mapalugod ang Diyos at maging isang katanggap-tanggap na nilikha, dapat magkaroon ng paninindigan ang isang tao. Anong paninindigan iyon? Ang paninindigan na maghangad ng pagkaperpekto, ang maghangad na maging isang taong taglay ang katotohanan at pagkatao, maging isang taong nagmamahal at nagpapatotoo sa Diyos. Iyon ang ikinalulugod ng Diyos sa lahat. Kung wala ka ng ganoong paninindigan, kundi kuntento na lang na sabihin: “Abala ako sa aking tungkulin. May dinadala akong pasanin, nagtatrabaho, at nakikinig sa mga sermon. Hindi ako napag-iiwanan ng sino pa man,” wala kang anumang pagkakataon. Puwede ka lang maging trabahador, pero hindi ka magiging isa sa mga hinirang ng Diyos. Hindi ba’t nakukuntento ka na lamang sa takbo ng mga bagay-bagay, na walang anumang pagnanais para sa pag-unlad? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo ibinabahagi ang katotohanan sa mga pagtitipon, at nakakatulog ka sa sandaling nakapakinig ka ng mga sermon. Pero kapag mga makamundong bagay ang pinag-uusapan walang tigil ang pag-iingay mo, at nagniningning ang iyong mga mata—mga ugali ito ng isang trabahador. May ilang tao na nagniningning ang mga mata sa sandaling mabanggit ang katotohanan; pakiramdam nila ay masyado silang nagkukulang, at kapag may narinig silang mabuti at praktikal nagmamadali sila para itala ito. Pakiramdam nila ay napakalayo nila sa kung ano ang hinihingi ng Diyos at walang sapat na mga positibong bagay sa kanilang puso. Pakiramdam nila ay masyadong marami ang lason ni Satanas, at masyado silang mapaghimagsik sa Diyos. Iniisip nila sa kanilang sarili: “Hindi nakakapagtaka na hindi nalulugod ang Diyos sa akin. Napakalayo ko sa kung ano ang gusto Niya, hindi ako kaayon ng Diyos sa anumang paraan, at labis ko Siyang hindi nauunawaan. Kailan ko magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos?” Sa tungkulin nila, hindi nila ipinagpapaliban ang pagsubok na alamin ang mga bagay na ito, at madalas silang lumapit sa harapan ng Diyos sa tahimik na panalangin: “O Diyos, pakiusap, isailalim Mo ako sa mga pagsubok. Hinihiling ko sa Iyo na ibunyag ako, na hayaan akong maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanang realidad, at makilala Ka. Pakiusap, disiplinahin, hatulan at kastiguhin Mo ako.” Kapag tumanggap sila ng pasanin kasama nito, palagi nila itong iniisip. Palagi silang nauuhaw sa katotohanan, kaya nagsisimulang gumawa ang Diyos sa kanila. Nagsasaayos Siya ng ilang tao, pangyayari, at bagayi, lahat ng uri ng sitwasyon, nang sa gayon ay may matutunan sila sa mga ito araw-araw. Hindi ba sila pinapaboran kapag ganoon? Bakit nagawa ni Pedro na magkaroon ng daan-daang pagsubok? Dahil hinangad niya ang katotohanan, hindi siya natakot sa mga pagsubok ng Diyos, at nanalig siyang naroon ang mga pagsubok ng Diyos para dalisayin ang mga tao. Nanalig siya na ang landas na ito ay makakapagperpekto sa mga tao, at na ito ang tanging tunay na landas. Nanalangin siya para rito, ginugol at inilaan ang kanyang sarili para rito; iyon ang dahilan kung bakit gumawa ang Diyos sa kanya. Maaari kayang ibig sabihin niyon ay pinili siya ng Diyos, na desidido Siyang subukin at perpektuhin si Pedro? Iyan ay eksaktong tama. Kapag pinipili ng Diyos ang isang tao, may layunin Siya at may mga prinsipyo Siya sa isipan—ito ay tiyak. Bakit hindi nagagawang makamit ng mas nakararaming tao ang ganitong uri ng gawain mula sa Diyos? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at wala silang ganitong paninindigan, at iyon ang dahilan kung bakit hindi gumagawa ang Diyos sa kanila. Walang pinipilit ang Diyos. Kapag gusto ng Diyos na perpektuhin ang isang tao, iyon ay isang kamangha-manghang bagay, at sulit ang anumang tindi ng pagdurusa. Pero walang ganitong paninindigan ang karamihan ng tao, at tumatakbo lang sila palayo at nagsisipagtago kapag nahaharap sa mga pagsubok at paghihirap. Pipilitin ba ng Diyos ang isang taong gaya niyon? Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan, at wala man lang lakas ng loob na makita si Cristo nang mukhaan. Sinasabi nila: “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kapag nakita ko si Cristo. Wala akong alam na kahit anong katotohanan, o kung paano makipagbahaginan. Hindi ba’t nakakahiya kung makita ni Cristo kung ano ang mali sa akin? Hindi ko makakaya ito kung pupungusan ako. Dapat akong umiwas sa Diyos at dumistansya nang nararapat sa Kanya. Kung palagi akong nakikipag-ugnayan sa Diyos at namumuhay sa harapan Niya, tunay Niya akong makikilala at mamumuhi Siya sa akin. Matitiwalag ako at hindi na ako magkakaroon pa ng magandang hantungan.” Ganoon ba ang lagay ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Kinikimkim ng ilang tao ang mga ganitong uri ng ideya. May anumang bagay bang hihingin ang Diyos sa isang taong tulad niyon? (Wala, wala Siyang hihingin.) Kaya anuman ang hinahangad mo, gaano man kalayo ang marating ng iyong paninindigan, gagawin kang perpekto ng Diyos hanggang sa puntong iyon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan bagkus ay palagi mong pinagtataguan ang Diyos at idinidistansiya ang iyong sarili sa Kanya, palaging inililingid sa Diyos ang mga kaisipan mo, ano ang masasabi ng Diyos tungkol sa mga taong katulad mo? (“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy” (Mateo 7:6).) Hindi mo minamahal ang katotohanan at pinagtataguan mo ang Diyos, pero iniisip mong ipagpipilitan Niyang subukin at perpektuhin ka? Nagkakamali ka. Kung hindi ikaw ang tamang uri ng tao, walang mga pagsusumamo at panalangin ang magdudulot ng anumang mabuti. Hindi iyon gagawin ng Diyos; hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Isang aspekto iyon ng Kanyang disposisyon. Pero ang gusto Niya, sa mga taong naghahangad ng katotohanan, ay na maaari silang maging kagaya ni Pedro, o ni Job, o ni Abraham; para tahakin nila ang tamang landas sa buhay ayon sa hinihingi ng Diyos; para tahakin nila ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at sa huli ay makamit nila ang katotohanan at maperpekto. Umaasa ang Diyos na makakamit ang ganitong uri ng tao, pero pipilitin ka ba ng Diyos kung hindi mo mismo ito hinahanap? Hindi. Hindi kailanman pinilit ng Diyos ang sinuman. Hindi ka tuloy-tuloy na aantigin ng Banal na Espiritu, na hinahawakan ka at hindi binibitiwan, determinadong perpektuhin ka at hindi titigil bago iyon. Para sabihin sa iyo ang totoo, hinding-hindi gagawin ng Diyos ang anumang gaya niyon. Iyon ang saloobin Niya. Umaasa lang ang Diyos na sa huli, kapag nakumpleto na ang Kanyang gawain, nakamit na Niya ang mas maraming taong tulad nina Job, Pedro, at Abraham. Pero kung ilang tao ang talagang naghahangad sa katotohanan at nakamit ng Diyos sa huli ay isang bagay na hindi Niya pipilitin. Hahayaan niyang likas na mangyari ang mga bagay-bagay—isang panig ito ng praktikal na gawain ng Diyos. Walang tinukoy ang Diyos na partikular na bilang—na dapat ito ay 10, 20, 1,000 or 2,000, o kaya ay 10,000. Wala Siyang anumang itinakda tungkol dito. Nagpapatuloy lang ang Diyos sa daang ito, tinatapos ang tunay na gawain, at talagang lumalakad kasama ng mga tao. Ganito Siya gumagawa at nagsasalita, isinasakatuparan ang bawat aspekto ng gawaing kinapapalooban ng katotohanan, gawaing pinakikinabangan ng sangkatauhan. Ito ang gawaing patuloy Niyang ginagawa sa mga tamang uri ng mga tao, sa mga taong nananabik sa katotohanan. Sa huli, ang mga may paninindigan at naghahangad sa katotohanan ay mapeperpekto. Sila ang mga pinakapinagpala at sila ang mga magkakamit ng buhay na walang hanggan. Sapat na ito para patunayan na matuwid ang Diyos sa lahat ng tao, at walang tinatrato na sinuman nang hindi makatarungan. Hindi nagkataon lamang na nakakasunod kayong lahat sa Diyos ngayon—ito ay paunang itinakda ng Diyos noon pa. Paunang itinatakda ng Diyos ang mga pamilya ng mga tao, kung kailan sila ipanganganak, ang kapaligirang kalalakihan nila, ang kanilang kakayahan, mga kaloob, abilidad, at ang mga nasa paligid—ang lahat ng bagay na ito. Ano ang makikita ng mga tao na katuwiran ng Diyos sa huli? Sa huli, nakasalalay sa mga sariling paghahangad ng mga tao at sa halagang binabayaran nila ang kakayahang makaligtas at magkamit ng isang magandang hantungan. Ang paunang pagtatakda ng Diyos ng mga bagay na ito ay isang aspekto, pero kailangan din ang pakikipagtulungan ng mga tao. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa landas na kanilang tinatahak at kung nagtataglay ba sila o hindi ng katotohanan. Ito ang Kanyang katwiran.

Nakita na ng lahat ang praktikal na panig ng Diyos na nagkatawang-tao. Tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao nang patas at makatwiran. Nakita mo na iyon; nakita na iyon ng iba; nakita na ninyong lahat iyon. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang karaniwang tao. May mga kuru-kuro ang ilang tao kapag nakikita nila si Cristo, iniisip na, “Napakanormal naman Niyang tingnan, at lubhang hindi kapansin-pansin. Ito nga kaya ang pagkakatawang-tao? Hindi ako sumasampalataya sa Kanya—hindi ko talaga magagawang sumampalataya sa Kanya.” O sumusunod lang sila sa Kanya nang atubili, sumasampalataya sa Kanya nang may mga reserbasyon, dinadala ang kanilang mga kuru-kuro kasama nila. Ang ibang tao na nakakakita kay Cristo ay may kaunting katwiran, at iniisip: “Ang nagkatawang-tao ay isang karaniwang tao, pero kaya Niyang ipahayag ang katotohanan at magkaloob ng buhay sa mga tao, kaya dapat ko siyang ituring tulad ng Diyos. Tinatanggap at isinasagawa ko ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, bilang ang mga salita ng Lumikha. Susunod ako sa Kanya.” Napeperpekto ang mga taong ito at nagkakamit ng katotohanan. Anong uri ng mga tao ang nagkakamit ng katotohanan sa huli? Ang mga naghahangad sa katotohanan. Ang Diyos ang nagdidilig, tumutustos, nagpapastol, at gumagawa sa Kanyang mga hinirang araw-araw. Nagbibigay Ako ng mga sermon at nagbabahagi, gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga hinirang ng Diyos, at ang lahat ay tumatanggap ng pagdidilig at pagsustena. Walang tumatanggap ng espesyal na pagtrato, at ang lahat ng nakikibahagi sa buhay-iglesia at gumagawa ng kanilang tungkulin ay nagtatamasa ng gawain ng Diyos araw-araw sa ganitong paraan. Pantay-pantay ang trato Ko sa bawat isang tao. Nagbibigay Ako ng mga kasagutan kahit sino pa ang nagtatanong, hindi Ako nagbibigay ng dagdag na pangangalaga, nag-aayos ng mga espesyal na sitwasyon, o sumusubok na udyukan o himukin ang kahit sino, nagbibigay ng dagdag na kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, o nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Hindi ginagawa ng Diyos ang anumang gaya niyan. Nagpakita ang Diyos ng maraming tanda at kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya, upang patawarin ang mga kasalanan ng mga tao at tahakin nila ang landas ng pagsisisi, at nang sa gayon ay manalig sila sa Diyos at hindi Siya pagdudahan. Ang kasalukuyang hakbang ng gawain ay lubos na binubuo ng pagbibigay ng katotohanan, nang sa gayon ay maunawaan ng mga tao ang katotohanan at magkaroon ng tunay na pananampalataya. Kahit gaano ka pa nagdusa, kung nakamit mo sa huli ang katotohanan, isa kang taong naperpekto at pananatilihin. Kung hindi mo nakakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang anumang dahilang nakikita mo. Maaaring sabihin mo: “Hindi gumawa ng anumang himala ang Diyos, kaya hindi ako makapanampalataya,” “Palaging nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanang hindi ko kayang maintindihan, kaya hindi ako makapanampalataya,” o “Ang Diyos ay masyadong praktikal, masyadong normal, kaya hindi ako makapanampalataya.” Ang lahat ng ito ay problema mo. Pinagkalooban ka ng katotohanan gaya rin ng iba—kaya bakit sila ay naperpekto, samantalang ikaw ay naitiwalag? Bakit hindi mo nakamit ang katotohanan? Ito ang hatol mo: Ito ay dahil hindi mo hinangad ang katotohanan. Sa huling yugtong ito, ang gawain ng mga salita lang ang ginagawa ng Diyos. Gumagamit talaga Siya ng mga salita para hatulan at linisin ang sangkatauhan; hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Kung gusto mong makita ang mga himala ng Diyos, bumalik ka sa 2,000 taon sa nakaraan para makita mo ang mga himala ng Panginoong Jesus sa kapanahunang iyon. Huwag kang maging mananampalataya sa kapanahunang ito. Tinanggap mo ang gawain ng paghatol ng Diyos, kaya huwag kang maghanap ng mga himala. Hindi gagawin ng Diyos ang mga iyon. Makatwiran ba iyon? (Oo.) Patas ito at makatwiran. Kung hahangarin mo ang katotohanan, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang di-makatarungan. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, pero hahangarin mo lang ang pagtatrabaho, palaging tapat na nagtatrabaho hanggang sa wakas, papayagan ka ng Diyos na manatili at pagkakalooban ka ng biyaya. Pero kung hindi mo magagawang magtrabaho hanggang sa wakas, ititiwalag ka. Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwalag? Ang ibig sabihin nito ay pagwasak! Patas ito at makatwiran, at walang di-makatarungang pagtrato ng tao rito. Nakabatay ang lahat ng ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Dahil sa mga ito, hindi ba’t ang landas na tinatahak ng mga tao ang pinakamahalaga? Kung ano ang landas na hinahangad mo, kung anong uri ng tao ang hinahangad mong maging, kung anong uri ng paghahangad ang pinapasok mo, kung ano ang inaasahan mo, kung ano ang hinihiling mo sa Diyos, kung ano ang saloobin mo sa Diyos at kung ano ang saloobin mo sa mga salita ng Diyos kapag nasa harapan ka Niya: napakahalaga ng lahat ng bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin—mapeperpekto ba ang mga tao ng pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan? Halimbawa, kung masasangkot ka sa isang aksidente at ililigtas ka ng Diyos, mapeperpekto ka ba niyon? Kung namatay ka nang minsan at binuhay muli, mapeperpekto ka ba niyon? O kung, sa mga panaginip mo, umakyat ka sa kaharian ng langit at nakita mo ang Diyos, mapeperpekto ka ba niyon? (Hindi.) Hindi mapapalitan ng mga bagay na ito ang katotohanan. Kaya, sa huling yugtong ito ng gawain, na yugto ng gawain kung saan nagtatapos ang pamamahala ng Diyos, gumagamit Siya ng mga salita para gawing perpekto ang mga tao, para ibunyag ang mga tao. Ito ang katuwiran ng Diyos. Kung naperpekto ka sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, walang makakapagreklamo na pinanatili ka Niya, at hindi ka maaaring paratangan ni Satanas dahil sa pagkakapanatili sa iyo. Ganito ang uri ng tao na gusto ng Diyos. Napakaraming salita ang ipinagkaloob ng Diyos, kaya kung wala kang anumang makakamit sa huli, kaninong kasalanan iyan? (Sa amin.) Sariling kasalanan ninyo ito dahil pinili ninyo ang maling landas. Mahalaga talaga kung anong landas ang tinatahak ng mga tao. Paano? Dahil ito ang tutukoy sa kanilang hantungan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mo dapat laging sinusubukang alamin kung natupad na ang mga propesiya, kung nagpakita ang Diyos ng anumang tanda at kababalaghan, kung kailan talaga lilisanin ng Diyos ang mundo, at kung masasaksihan mo ito kapag nilisan na nga Niya ang mundo. Walang anumang mabuting idudulot sa iyo ang alamin iyon; wala itong epekto sa iyong hantungan o sa pagpeperpekto sa iyo. Kaya ano ang mahalaga para sa iyo? (Ang landas na tinatahak ko sa pananampalataya.) Ang landas na tinatahak mo ang nakakaapekto kung magagawa ka bang perpekto o hindi. Ano ang katotohanan na dapat mong pinakapapasukin sa paghahangad mo na magawang perpekto? Ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos. Ang pagpapasakop sa Diyos ang pinakamataas, ang pinakamahalaga sa mga katotohanan, at sa diwa, ang paghahangad sa katotohanan ay katumbas ng paghahangad na magpasakop sa Diyos. Kailangan mong hangarin ang pagpapasakop sa Diyos sa buong buhay mo, at ang landas na ito ng paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Bakit kailangan mong hangarin ang pagpapasakop sa Diyos sa buong buhay mo? Dahil ang proseso ng paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay ang proseso ng paglutas sa isang tiwaling disposisyon. Bakit kailangan mong lutasin ang isang tiwaling disposisyon? Dahil salungat sa Diyos ang isang tiwaling disposisyon. Kung namumuhay ka ayon sa isang satanikong disposisyon, ang diwa mo ay kay Satanas, sa mga diyablo, at ang paghahangad ng pagpapasakop sa Diyos ay nangangailangang lutasin mo ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Napakahalaga nito! Hangga’t may tiwaling disposisyon ka at hangga’t may natitirang katiting na hindi pa nalulutas, magiging salungat ka sa Diyos, magiging kaaway ka ng Diyos, at hindi mo magagawang magpasakop sa Kanya. Ang antas ng kung hanggang saan mo nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay ang antas ng kung hanggang saan ka nagpapasakop sa Diyos; ang porsyento ng kung hanggang saan mo nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay ang porsyento ng kung hanggang saan ka nagpapasakop sa Diyos.

Sa pagtitipong ito, hindi natin napag-usapan ang tungkol sa pagkilala sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay unti-unting nakakamit sa pamamagitan ng proseso ng paglutas sa iyong tiwaling disposisyon at ng paghahangad na maperpekto upang maabot ang pagpapasakop sa Diyos. Ang paghahangad ng kaalaman ng Diyos sa sarili nito ay magiging isang napakalalim na leksyon, kung kaya hindi pa natin ito pinag-uusapan. Ngayon mismo, pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga paksang may malapit na kaugnayan sa mga pagsasagawa ng mga tao, buhay, paghahangad at ang mga landas na kanilang tinatahak. Sa proseso ng paghahangad na malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, unti-unti mong nauunawaan ang Diyos at nakikilala ang Kanyang mga layunin. Hindi ba’t mas marami kang kaalaman sa Diyos kapag nagagawa mong maunawaan ang Kanyang mga layunin? (Oo.) Kaya may ilan kang totoong kaalaman sa Diyos. Bakit mo nagagawang isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos habang sumusunod ka sa Kanya? Dahil kilala mo ang Kanyang puso at nauunawaan mo ang Kanyang mga layunin; nauunawaan mo kung anong mga pamantayan at prinsipyo ang hinihingi sa iyo ng Diyos, at kung ano ang mga layunin Niya. Hindi ba’t naglalaman ng kaunting kaalaman sa Diyos ang pang-unawang ito? (Oo.) Unti-unti itong natatamo, at magkakaugnay ang lahat ng ito. Mahihirapan ka kung kaalaman lang sa Diyos ang hahangarin mo. Maaaring sabihin mo: “Wala akong ibang gagawin liban sa hangarin ang kaalaman sa Diyos, araw at gabi. Aalamin ko kung saan nanggagaling ang mga bulaklak, kung bakit lumuluhod ang mga tupa para sa kanilang gatas samantalang ang mga guya ay hindi. Pag-aaralan ko itong lahat, at sa ganoong paraan ko makikilala ang Diyos.” Makakamit mo ba ang kaalaman sa Diyos sa pamamagitan lang ng pagsasaliksik sa lahat ng iyon? Tiyak na hindi. Ang katotohanan ay hindi bunga ng pananaliksik, kundi tunay lang itong nalalaman sa pamamagitan ng karanasan. Wala talagang silbi ang pananaliksik. Alam mong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at kamangha-mangha iyon, at kaya mayroon ka nang kaunting kaalaman sa Diyos. Pero ano ang dapat mong pinagtutuunan? Kailangan mong hangarin ang katotohanan, lutasin ang tiwali mong disposisyon, at isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Sa proseso ng paghahangad na ito, unti-unti mong masasagot ang maraming kaugnay na tanong, at makasusumpong ka ng landas para sa iyong pagsasagawa at sa iyong pagpasok. Habang mas lubusang nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon, magiging mas madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan at isakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kapag ang mga tao ay hindi na napipigilan ng kanilang tiwaling disposisyon, tunay nilang nakakamit ang kalayaan at mapakawalan, at ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nakakapagod, kundi napakadali. Hindi ba’t iyon ay ang katotohanan na nagiging buhay ng mga tao?

Oktubre 1, 2017

Sinundan: Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos

Sumunod: Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito