Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos

Ang pagkaalam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang napakalalim na aralin. Para makita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, dapat magkaroon ng espirituwal na pagkaunawa ang isang tao, at dapat na maunawaan din ng isang tao ang maraming katotohanan. Pagdating sa pagkaunawa sa Diyos, madalas ay makitid ang utak ng mga tao at tinitingnan lamang nila kung ano ang nasa harap nila. Lagi nilang hinuhusgahan ang Diyos batay sa mga pananaw nila ukol sa tama at mali, wasto at di-wasto, at itim at puti, o batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sinasabi nila na mali ang Diyos sa paggawa nito o mali sa paggawa noon. Pero ano ba ang tama? Basta’t ang Diyos ang gumawa sa isang bagay, ito ay tama. Tama ba na lipulin ng Diyos ang mga tao? (Oo.) Iniangat ng Diyos ang isang lahi at ginawa itong maunlad, pero sa tingin mo ay hindi dapat maging maunlad ang lahing ito. Kung gayon, paano ito umunlad? Sinalungat ng mga Hudyo ang Diyos, kaya sa mata ng mga tao, noong nagalit ang Diyos at sinumpa sila, dapat ay nilipol na Niya sila. Subalit iyon ay kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Pagkatapos isumpa at parusahan ng Diyos ang mga Hudyo, hinayaan Niya silang makaligtas, at nangako Siya sa kanila na ang pinagmulan nila ay mananatili, na sila ay ikakalat sa ibang mga bansa sa buong mundo, at sa huli ay ipapanumbalik nila ang sarili nilang bansa. Hindi maaaring baguhin ang mga pangako ng Diyos, at kailangan ding matupad ang mga salita ng kaparusahan na binigkas ng Diyos. Napakakamangha-mangha ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung susubukan mong husgahan ang gawain ng Diyos at ang mga bagay na nangyayari sa tao mula sa perspektiba ng tama at mali, at ng wasto at di-wasto, tatanggihan mo ang mga iyon. Iisipin mo na ang mga iyon ay parang hindi gawain ng Diyos at na hindi naaayon ang mga iyon sa iyong mga kuru-kuro at mga imahinasyon, at tatanggihan mo ang mga iyon. Kung tatanggihan mo ang mga iyon, paano mo magagawang magpasakop sa mga iyon bilang ang katotohanan? Magiging imposible ito. Bakit tinatanggihan ng mga tao ang mga ito? Ang sanhi nito ay mga kuru-kuro ng tao, na nangangahulugan na may mga limitasyon sa mga kayang kilalanin ng utak ng tao, at sa kung ano ang kayang makita ng mga tao sa mga gawa ng Diyos, at na may mga limitasyon sa mga katotohanang kayang maintindihan ng mga tao. Paano mo malalampasan ang mga limitasyong ito para tunay mong makilala ang Diyos? Dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos, at huwag basta-bastang bigyan ng kahulugan ang mga bagay na kinakaharap mo na hindi mo naman nauunawaan, at huwag manghusga nang pikit-mata kung hindi mo kayang lutasin ang ilang problema. Ito dapat ang katwirang pinakataglay ng mga tao. Kung sinasabi mong, “Hindi iyon ang ginagawa ng Diyos, hinding-hindi iyon gagawin ng Diyos!” kung gayon ay kulang ka sa katwiran. Ano ang talagang maiintindihan mo? Kung mangangahas kang manghusga sa ngalan ng Diyos, talagang wala kang katwiran. Hindi naman kikilos ang Diyos nang ganap na katulad sa iniisip mo o sa saklaw ng mga imahinasyon mo. Ang Diyos ay napakadakila, labis na hindi maarok, napakalalim, napakakamangha-mangha, at napakarunong! Bakit Ko idinagdag ang salitang “napaka”? Sapagkat hindi maarok ng mga tao ang Diyos. Isa kang nilikha, kaya huwag mong tangkaing arukin ang Diyos. Sa sandaling wala ka nang ganitong kaisipan, magkakaroon ka ng kaunting katwiran. Huwag mong subukang maglatag ng mga panuntunan para sa Diyos, at kung maiiwasan mo iyong gawin, magkakaroon ka ng katwiran. Maraming tao ang laging naglalatag ng mga panuntunan para sa Diyos at nagsasabing dapat kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan, na siguradong gagawin ito ng Diyos sa paraang ito o siguradong hindi iyon gagawin ng Diyos sa paraang iyon, na ito ay talagang pagkilos ng Diyos, at ang iba pa ay siguradong hindi pagkilos ng Diyos. At paano naman itong idinagdag na salitang “sigurado”? (Wala itong katwiran.) Sinasabi mong napakakahanga-hanga at napakarunong ng Diyos subalit sinasabi mo na hinding-hindi kikilos ang Diyos sa isang partikular na paraan. Hindi ba’t magkasalungat iyon? Hindi iyon totoong pagkakilala sa Diyos. Labis na walang katwiran ang palagiang pagpilit ng mga pananaw ng isang tao at palagiang paglatag ng mga panuntunan para sa Diyos.

Ginagawa ng Diyos itong huling yugto ng gawain, at walang nag-akalang magpapakita Siya at gagawa sa Tsina. Hindi ba’t ang katunayan na hindi mo ito inakala ay dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa iyong puso, at mga limitasyon sa iyong pag-iisip? Maaaring inisip mo na posible ito sa Amerika, sa United Kingdom, o sa Israel, pero hindi mo lubos maisip na gagawa ang Diyos sa Tsina. Hindi mo ito maisip. Hindi ito maabot ng mga kuru-kuro at mga imahinasyon ng tao, subalit kasisimula pa lamang ng Diyos sa Kanyang gawain sa Tsina, isinasakatuparan ang Kanyang huli at pinakamahalagang gawain. Salungat na salungat ito sa mga kuru-kuro ng tao. Ano, kung gayon, ang natutuhan mo mula rito? (Na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at na ito ay kahanga-hanga at di-maarok.) Ang gawain ng Diyos ay hindi kayang abutin ng mga imahinasyon ng tao, ito ay kahanga-hanga at di-maarok, may karunungan, malalim—ito ay mga salita ng tao na ginagamit upang ilarawan ang lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, ang Kanyang disposisyon at diwa, at itinuturing itong makatwiran. Sa pamamagitan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay na salungat sa mga kuru-kuro ng tao na maibubuod ito ng mga tao gamit ang mga salitang ito—ang gawain ng Diyos ay kahanga-hanga at di-maarok, salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Ano pa ang maaaring matutuhan ng mga tao mula rito? Na ang dating mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan ay napabagsak nang lahat. Kung gayon saan galing ang mga kuru-kurong ito? Mula sa makikita mo, ang Tsina ay dukha at atrasado, taglay ng Partido Komunista ang kapangyarihan, inuusig ang mga Kristiyano, walang kalayaan, walang karapatang pantao, at ang mga Tsino ay mabababa ang pinag-aralan, mabababa ang katayuan sa mundo, at tila sila ang kaawa-awang pinakamahihinang tao sa Silangang Asya. Paanong nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina upang gawin ang Kanyang gawain? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro? Ngayon, tingnan mo kung tama o mali ang kuru-kurong ito. (Maling-mali ito.) Una, huwag nating pag-usapan kung bakit gagawa ang Diyos sa ganitong paraan, kung dahil ba ito sa gusto Niyang maging mapagpakumbaba at nakatago, o kung ang paggawa ba sa paraang ito ay may malalim na kahulugan at halaga. Huwag nating pag-usapan ang antas na ito, kundi pag-usapan natin kung sumasalungat ba sa maraming kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos sa paraang ito. Talagang oo! Hindi ito maisip ng tao. Misteryo ito ng Langit, at walang nakaaalam. Kahit na tawagin pa ang mga astronomo, heograpo, historyador, at propeta, may makaiintindi ba rito? Walang sinumang makaiintindi nito, kahit na tipunin pa ang lahat ng taong may kakayahan, buhay man o patay, para magsuri at magsiyasat, o mag-obserba at mag-aral gamit ang mga astronomikal na teleskopyo—lahat ng iyon ay walang saysay. Ano ang ibig sabihin nito? Na ang sangkatauhan ay napakawalang halaga, napakamangmang, masyadong kulang sa pang-unawa para maarok ang mga usapin ng Diyos. Kung hindi ka makaarok, huwag ka nang mag-abala pa. Ano ang kalalabasan kung susubukan mo? Ang mga kuru-kuro mo ay hindi katumbas ng katotohanan, at sa katunayan ay malayung-malayo sa kung ano ang nais gawin ng Diyos. Hindi talaga magkapareho ang mga bagay na iyon. Walang silbi ang katiting na kaalaman ng mga tao, hindi nito kayang maunawaan ang anuman o malutas ang anumang problema. Ngayon na nababasa ninyo ang mga salita ng Diyos, at nakakapakinig kayo sa mga sermon at pagbabahagi, mas nakakaunawa na ba kayo nang kaunti sa inyong mga puso? May kaunting kaalaman na ba kayo tungkol sa Diyos? Maaaring sabihin ng isang tao: “Hindi ipinaliliwanag ng Diyos kung ano ang ginagawa Niya sa atin, kung magbibigay man lang sana Siya ng tanda sa kalangitan para maunawaan natin kung ano ang plano Niyang gawin, o magbibigay inspirasyon man lang sa isang propeta para magbigay ng prediksyon.” Hindi mo ito makikita, kahit pa may tanda sa langit, at hindi rin ito makikita ng isang propeta. Nananatiling lihim ang ginagawa ng Diyos sa espirituwal na mundo mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa ngayon, at napakasekreto nito na walang makakaalam ni isang tao. Gaano man katalentado ang isang propeta o astronomo, o iskolar, dalubhasa, o siyentipiko sa anumang larangan, mag-aral man sila hangga’t gusto nila, hindi nila maiintindihan ang mga usapin ng Diyos. Maaaring pag-aralan ng mga tao ang mga nakalipas na gawain ng Diyos, at maaaring makapulot sila ng ilang sekreto o kahulugan na maaaring may kinalaman sa kung bakit ito ginawa ng Diyos, pero walang nakaaalam kung ano ang gagawin ng Diyos sa hinaharap, o ang Kanyang mga plano. Dahil dito, hindi dapat isipin ng mga tao na arukin ang Diyos o sa huli ay arukin kung paano Siya gumagawa sa pamamagitan ng obserbasyon at pag-aaral, mahabang pagsisiyasat at karanasan, iba’t ibang klaseng pagsusuri, o ng labis na pagsisigasig at matinding pagsisikap. Imposible ito, at hinding-hindi uubra. Kung gayon, kung hindi maaarok ng tao ang Diyos, ano ang dapat nilang gawin? (Dapat silang magpasakop.) Pinakamakatwiran para sa mga tao na magpasakop, at lubos itong alinsunod sa mga layunin ng Diyos; pagpapasakop ang batayan. Ano ang layunin nito? Ito ay ang mas makilala Siya, makamit ang katotohanan, at matamo ang buhay, batay sa karanasan sa gawain ng Diyos. Ito ang dapat mong makamit, at ang kayamanang dapat mong hangarin. Tungkol naman sa malalaking panlabas na pangyayari, gaya ng mga pandaigdigang usapin, kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay at kung paano Niya pinamumunuan ang lahi ng tao—kung mauunawaan mo ang mga bagay na ito, mas mainam iyon. Mainam din kung sasabihin mong: “Wala talaga akong pakialam tungkol sa mga bagay na iyon. Wala akong kahusayan o pag-iisip para doon; may pakialam lamang ako sa kung paano ako binibigyan ng Diyos ng katotohanan at kung paano Niya binabago ang disposisyon ko.” Hangga’t mayroon kang pusong mapagpasakop at may-takot sa Diyos, sa huli ay makakamit mo ang katotohanang mula sa Diyos, pati na rin ang karunungan. Binabago ng katotohanan ang mga disposisyon ng tao; ito ang buhay na dapat hangaring makamit ng mga tao, at ang landas na dapat nilang tahakin. Ano, kung gayon, ang karunungang nakukuha ng mga tao? Nang hindi mo namamalayan, makikita mo ang paraan kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay, kung bakit Niya ginagawa ang mga iyon, kung ano ang mga layunin at mithiin Niya, at kung ano ang mga prinsipyo Niya sa paggawa ng ilang bagay. Mababatid mo ito nang hindi mo namamalayan sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Marahil ang mga salitang ito at mga bagay na ito ay napakalalim, at hindi mo ito maipapahayag gamit ang mga salita, pero mararamdaman mo ito sa iyong puso, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa kahit na hindi mo ito namamalayan.

Simulan natin sa kasaysayan ni Abraham. Nang nabuhay na siya ng 85 taon pero wala pa ring anak, nangako ang Diyos na bibigyan siya ng anak. Ano ang tugon ng kanyang asawang si Sarah? Inisip niyang: “Matanda na ako at baog. Paano ako magkakaanak?” Hindi ba ito kuru-kuro ng tao? Ginamit niya ang mga kuru-kuro ng tao para sukatin ang gawain ng Diyos, at dahil dito ay nagawa niyang magduda at isipin na imposible ang ganitong bagay. Pagkatapos ay ano ang ginawa niya? Ibinigay niya ang kanyang katulong na si Hagar kay Abraham bilang concubina. Kung ganoon, sabihin mo sa Akin, nakita kaya ng Diyos ang ginawa ni Sarah? Alam ng Diyos. Nang sumunod na taon, nagsilang si Hagar ng isang anak na lalake na pinangalanang Ismael. Nang si Abraham ay 99 na taong gulang, nagpakita at nangako sa kanya ang Diyos na si Jehova na magkakaanak sa kanya si Sarah ng isang anak na lalake noong panahon ding iyon sa susunod na taon, at ang buong lupain ng Canaan ay ibibigay sa kanya at sa kanyang mga inapo bilang walang hanggan nilang pag-aari. Nang sumunod na taon, nagsilang si Sarah ng isang anak na lalake na pinangalanang Isaac. Bilang anak ng maybahay, si Isaac ang tagapagmana samantalang si Ismael, na anak ng isang concubina, ay hindi makakapagmana. Kalaunan, pinaalis sina Hagar at Ismael, at dinala ni Hagar si Ismael sa disyerto, kung saan walang pagkain ni tubig. Sa harap ng kamatayan, nagdasal si Hagar sa Diyos na si Jehova, nagsabing: “Wala nang takas. May anak ako, at gusto kong mabuhay.” Nagpadala ng angel ang Diyos na si Jehova para bigyan sila ng tubig, at nabuhay sila. Kalaunan ay naging tahanan na nila ang disyerto, at nag-ugat na roon at nagkaroon ng maraming inapo—mga tao sa kasalukuyan, gaya ng mga Arabo na nakatira sa Gitnang Silangan. Tingnan mo, may mabuting kalooban ang Diyos sa pagpapahintulot nito. Isa itong pangunahing panlabas na pangyayari, na hindi pinag-aralan ninuman, pero hindi ibig sabihin na wala ang pagkilos ng Diyos—naroon ito. Hindi ito tila isang tao na may ginawa nang palihim na hindi nakita ng Diyos, hindi ganoon. May mabuting kalooban ang Diyos dito. Pinahintulutan at ipinangako ng Diyos na mabubuhay ang angkan ni Ismael upang balansehin ang mundo at magamit kung kakailanganin. Lagi silang nakikipaglaban sa mga Israelita para sa teritoryo, para sa Gaza Strip at Jerusalem. Dapat mong makita ang pagkilos ng Diyos sa bagay na ito. May ginawa ang Diyos na sa paningin ng mga tao ay masama, at inisip nila na siguro ay nagkamali Siya ng kalkula, o hindi naging maingat sa pagbabantay, at sinamantala ng mga tao ang mga butas. Ito ang maaabot at mailalarawan ng karaniwang pag-iisip ng tao. Iniisip ng tao na nakatulog ang Diyos at hindi nabantayan ang mga bagay-bagay, na nagresulta sa pagsilang ni Hagar kay Ismael, at naawa ang Diyos sa kanila at hinayaan silang mabuhay, isinaayos ang paninirahan nila sa disyerto. Ganito ba talaga ang nangyari? (Hindi, hindi ganito.) May plano ang Diyos, at ang pagsilang at pag-iral ng iba’t ibang lahi—ang iba’t ibang etnisidad at kulay ng balat ng sangkatauhan—lahat ay may ginagampanang papel sa pagbalanse ng buong lahi ng tao, at eksakto mong makikita ang papel na ginagampanan nila kapag tiningnan mo ang kalagayan ng mundo. Gawain ba ito ng Diyos? Kinokontrol ng Diyos kung gaano kabilis magparami ang isang lahi, ang pandaigdigang populasyon nito, kung ano ang papel na ginagampanan nito sa mundo at sa buong sangkatauhan, at kung ano ang ginagawa ng mga tao nito, kapwa mabubuti at masasamang bagay. Tungkol sa masasama, naniniwala ang mga tao na ang mga ganitong bagay ay hindi posibleng manggaling sa Diyos, at ang lahat ay gawain ni Satanas. Pero hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos si Satanas? Sinasabi ng ilang tao, “Ginagawa ni Satanas ang magustuhan nito, at walang kontrol ang Diyos.” Ito ba ang paliwanag? Ang bagay na ito ay hindi lohikal na maikakatwiran, at maling gawin iyon. May ilang bagay na mukhang masama sa labas, at ang ilan ay mukhang mabuti, ngunit ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi mo puwedeng sabihin na may katas-taasang kapangyarihan lamang ang Diyos sa mabuti at hindi sa masama sapagkat parehong nasa mga kamay ng Diyos ang mga iyon, pinangangasiwaan at kinokontrol Niya, at ang Kanyang mabuting kalooban ay nasa likod ng lahat ng bagay. Ito ang katotohanan, at kung malinaw mo itong nakikita, nauunawaan mo ang katotohanan. Hindi tamang magkaroon ka ng konklusyon na masama ang mga bagay at sumilip sa lenteng iyon lamang, sapagkat madaling hindi maunawaan at labanan ang Diyos. May mabuting kalooban ang Diyos sa lahat ng ginagawa Niya. Kung ganoon, ano ba ang mabuting kalooban ng Diyos? Ang nakikita lang ng mga tao ay ang mga masasamang bagay na nangyayari sa harapan nila, at hindi nila nakikita kung ano ang mga kahihinatnan ng mga katotohanan makalipas ang sampu o dalawampung taon. Kung ano ang mangyayari isa o dalawang libong taon pagkatapos, anong puwesto ang makakamit nito at anong pangunahing papel ang gagampanan nito sa paghubog ng kalagayan ng mundo at sa buong sangkatauhan—hindi ito nakikita ng mga tao, subalit ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang pag-unlad ba ng kalagayan ng mundo at ng buong sangkatauhan ay isang simpleng bagay? Saanman may nangyayaring isang bagay, saanman may nagaganap na malaking pangyayari, o saanman may salot o lindol, ang Diyos ang may kontrol. Maaaring itanong ng ilang di-makatwirang tao, na mga walang pagkaunawa: “Kung kinokontrol ng Diyos ang lahat ng bagay, ang pagpigil sa mga diyablo at ang pagpatay at ang walang awang pang-uusig sa mga taong hinirang ng Diyos ay nasa ilalim din ng Kanyang kontrol? Inudyukan ba ito ng Diyos?” Tama bang tingnan ito sa ganitong paraan? May katwiran ba ito? Nilalagay nito ang Diyos sa negatibong posisyon, at ito ay mali. Kung ganoon, paano mo dapat tingnan ang bagay na ito? Inuudyukan ng Diyos ang lahat ng bagay, at ano ba ang kabilang sa “lahat ng bagay”? Kabilang dito ang lahat ng bagay: anumang makikita ng mata, tulad ng mga kabundukan at ilog, puno, halaman, tao, at iba pa. Kabilang din dito ang napakaliliit na organismong hindi nakikita ng mga mata, gayundin ang mga diyablo, si Satanas, at lahat ng uri ng espiritu at multo ng espirituwal na mundo. Lahat ng ito ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Ginagawa nila kung ano ang nais ng Diyos na gawin nila. Hinahayaan Niya silang makalabas tuwing kailangan sila, at ginagawa nila kung ano ang dapat nilang gawin. Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayunpaman, namamahala at nagsasaayos ang Diyos, makikita mo ang kalooban ng Diyos na isinasagawa sa huli, at bawat isa sa mga salita ng Diyos ay matutupad.

Maaaring ngayon ay hindi makita ng mga tao ang epekto ng isang bagay na ginagawa ng Diyos, o malaman ang layunin nito, bakit ito ginagawa ng Diyos, o kung ano ang Kanyang layunin. Maaaring hindi pa rin ito makikita pagkatapos ng dalawandaang taon, at hindi pa rin malalaman ng sangkatauhan, pero makukumbinsi matapos ang isang libong taon: “Tamang-tama at kahanga-hanga ang Diyos sa paggawa nito! Ang Diyos ay talagang Diyos!” Matutuklasan ng sangkatauhan na lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, at walang anumang kamalian. Halimbawa, ang pagkapako at kamatayan ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay tinitingnan ng mundo noong panahong iyon na isang kabiguan sa yugtong iyon ng gawain. Inakala nila na, “Hindi sinunod ng Panginoong Jesus ang mortal na kapalaran ng kapanganakan, pagtanda, pagkakaroon ng sakit, at kamatayan, pero ipinagkanulo Siya ni Hudas bago pa Siya makagawa ng gawain, dinakip ng mga sundalo, nilatigo, sinuotan ng koronang tinik, kinutya, at sa huli ay ipinako sa krus. Hindi ba’t kabiguan ito?” Kabiguan ba ang pagkapako sa krus? Ipinagkanulo ni Hudas ang Panginoong Jesus sa gobyerno, ngunit ano ba ang kinakatawan ng gobyerno? Kinakatawan nito ang puwersa ni Satanas. Mabuti ba o masama na inihatid si Cristo sa mga kamay ni Satanas? (Mukhang masama ito kung ayon lamang sa nakikita.) Inakala ng mga tao, “Naku! Inabala ng diyablo ang gawain ng Diyos. Hindi ito mabuti, masamang tanda ito, dahil hindi nagbantay ang Diyos, at hindi Siya ganoon kalakas! Paano pa rin nagawang ipagkanulo at dalhin ang nagkatawang-taong Cristo sa mga kamay ng mga namumuno? Hindi ba’t malinaw na ipinaubaya na lang iyon sa awa ni Satanas? Dapat na mabilis na makahanap ang Panginoong Jesus ng paraan para makatakas, kung hindi, hindi ba’t matatapos ang gawaing ito? Mayroon pa ring ministeryo si Cristo.” Hindi ba’t ganito ang iisipin ng mga tao? Kaya sinabi ni Pedro, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo” (Mateo 16:22), at lumabas na nga ang mga kuru-kuro ng tao. Inisip nila, “Hindi posibleng madala ang Diyos sa mga kamay ng mga namumuno, kung ganoon nga, hindi Siya Diyos.” Hindi ba’t isang kuru-kuro ito ng tao? Dahil lamang sa mayroon silang ganitong uri ng kuru-kuro na nasasabi ng mga tao ang ganitong bagay-bagay, kumikilos o gumagawi sa ganoong paraan, at hinahadlangan ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Ano ang sinabi ni Jesus kay Pedro? “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23). Itinuring ng Panginoong Jesus si Pedro bilang si Satanas. Sa huli, dinala ang Panginoong Jesus sa mga kamay ni Satanas, at ang mga taong iyon ay naging mga gamit-panserbisyo upang maisakatuparan ang gawain ng pagpapako sa krus ng Panginoong Jesus. Mabuti ba o masamang bagay na madala ang Panginoong Jesus sa mga kamay ni Satanas? (Isang mabuting bagay.) Kung titingnan ito sa ganitong paraan, mabuting bagay ito, hindi masama, sapagkat natupad ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pamamaraang ito. May ginawa ba ang Diyos mula sa pagkakanulo ni Hudas hanggang sa maipako sa krus ang Panginoong Jesus? Nagplano ba Siyang tumakas, o may dumating ba para iligtas Siya? (Wala.) Nag-isip ba ang Diyos ng paraan para magpakita ng isang himala, iakyat ang Panginoong Jesus diretso sa langit at itago Siya sa likod ng mga ulap kung saan walang makakakita sa Kanya? Napakamaluwalhati, napakadakilang pag-akyat sa langit! Pero walang nakakita sa mga bagay na ito, dahil hindi ito ginawa ng Diyos. Ang hindi ba paggawa nito ng Diyos ay nagpapatunay na hindi Niya kaya? Magagawa ba ito ng Diyos? (Oo, kaya Niya.) Kung ganoon, bakit hindi Niya ginawa? (Naroon ang mabuting kalooban ng Diyos, at mayroon Siyang plano.) Ano ang plano ng Diyos? Iyon ay ang isuko ang Sarili Niya kay Satanas, at pagkatapos ay halinhan ang mga makasalanan sa krus, isinakripisyo Niya ang Kanyang Sarili upang tubusin ang sangkatauhan. Ito ang nais gawin ng Diyos; hindi Niya ginagawa ang mga bagay na iniisip ng mga tao sa kanilang mga haka-haka. Iniisip ng maraming tao, “Dapat nagpadala ng mas maraming kidlat ang Diyos para tamaan ang lahat niyong masamang tao na lumaban sa Kanya at, pagkatapos silang patamaan, aakyat na sa langit ang Panginoong Jesus. Magiging maluwalhati at kahanga-hanga iyon, at ibubunyag nito ang awtoridad ng Diyos! Hayaan ang lahat ng mga diyablo at Satanas na ito, at mga taong ito na makita ang kahihinatnan ng pagpapako sa Diyos, pagkatapos ay hindi na sila mangangahas sa hinaharap, tama ba?” Maaaring hindi mangahas lumaban ang mga tao, pero hindi ba ito hadlang kapag hindi natupad ang gawain ng Diyos? Laging ginagambala ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, kaya hindi Siya gumagawa sa ganoong paraan. May ilang taong tunay na naniniwala sa Panginoong Jesus dahil ipinako Siya para gawin ang gawain ng pagtubos, pero sinasabi rin nila nang may mabuting intensyon na, “Hindi dapat ipinako ang Panginoong Jesus. Hindi madaling magkatawang-tao, at kinailangan Niyang gumawa nang may kababaang-loob at pagtatago, maranasan ang pagtalikod ng mga tao at paninirang-puri ng mga eskriba at Pariseo. Lubhang kaawa-awa ito. Iniwasan Niya sana ang pagkapako sa krus, hindi Niya sana ibinaba ang Sarili Niya sa antas na iyon, hindi na iyon kailangan.” Tama bang tingnan ito ng tao nang ganito? (Hindi, hindi ito tama.) Kung titingnan ito ngayon, matapos ang dalawang libong taon, ang ganitong pag-iisip ay mali. May katotohanan ba sa isip ng tao? (Wala.) Kung gayon, ano ang nasa isip ng mga tao? Lahat ay pawang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, pati na rin ang mga mabubuting intensyon, damdamin, habag, at pagkamakasarili. Matutupad ba ng mga ito ang gawain ng Diyos? Maisasagawa ba ng mga ito ang Kanyang kalooban? Hindi ito magagawa, kaya ito ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas.” Gusto ng Diyos na ihatid nang personal ang Sarili Niya sa mga kamay ni Satanas, hayaang si Satanas mismo ang magpapako kay Cristo, at sa pamamagitan ng pagpako sa krus ay maisasakatuparan ang gawaing pagtubos. Hindi nagpakita ng anumang himala ang Diyos. Sinabi na ng Diyos nang ilang beses, “Nananatiling tahimik ang Diyos.” Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ba itong hindi nakikita ng Diyos, hindi Siya nagmamalasakit, hindi nakikinig, hindi nagsasalita, at nananatiling ganap na tahimik? (Hindi, hindi ganoon.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “nananatiling tahimik”? Naglalaman ito ng layunin, karunungan, at disposisyon ng Diyos. Ano ang disposisyon ng Diyos na nabunyag sa pananatiling tahimik Niya? Mayroong karunungan ng Diyos dito. Gusto Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain ng pamamahala. Gaano man karami ang mga kuru-kuro o imahinasyon ang mga tao, iniiwasan Niya muna ang mga ito nang hindi nag-aalok ng paliwanag, subalit tahimik at praktikal Siyang gumagawa hanggang sa dumating ang araw na ang Kanyang mga hinirang na tao ay nakakaunawa sa katotohanan at kayang magpasakop sa Kanya, naisagawa na ang Kanyang kalooban at kumpleto na ang Kanyang gawain sa kanila, at ganap na Niyang natalo si Satanas at nakamit na ang kaluwalhatian. Ginagamit Niya ang mga katunayan at resultang ito bilang katibayan para makita ng buong sangkatauhan, katibayan para makita ni Satanas—ito ang disposisyon at layunin ng Diyos na nabunyag sa pananahimik Niya. Anong disposisyon ito ng Diyos? Ipinakikita ba nito ang pagtitiis ng Diyos? (Ipinakikita nito.) Bakit nagtitiis ang Diyos sa panahong ito? Bakit Siya nananahimik? Narito ang karunungan ng Diyos. May ilang bagay na misteryo na walang nilikha, di-nilikha, o anghel, ang pinahihintulutang makaunawa o makaintindi. Ito ang karunungan ng Diyos. Hindi makakapagsalita ang Diyos nang wala sa panahon, at mayroon bang pakinabang sa pagbigkas Niya ng kahit isa pang salita? Walang pakinabang, sapagkat hindi naman nila mauunawaan. Kung nakipag-usap Siya sa isang tao, mauunawaan ba niya? (Hindi niya mauunawaan.) Kung ganoon, walang pakinabang ang pagsasalita. Mauunawaan kaya ng mga tao kung, dalawang libong taon na ang nakararaan, sinabi ng Diyos sa sangkatauhan na, “Gusto Kong maipako, ihandog ang Aking mahalagang dugo upang tubusin ang sangkatauhan sa wangis ng isang makasalanang laman”? (Hindi nila mauunawaan.) Ano lang ang mga salita ng Diyos? Sinabi Niya, “Mangagsisi kayo: sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at ipinasagawa sa mga tao ang pagtitiis at pagpaparaya. May sinabi pa ba ang Diyos sa tao? (Hindi, wala na.) Bakit wala na Siyang sinabi? (Hindi mauunawaan ng tao.) Walang paraan para maunawaan ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit napilitan ang Diyos na ibunyag ang Kanyang disposisyon at mga kaisipan sa katahimikan. Kahit na makipag-usap pa ang Diyos sa anumang nilikha o di-nilikha, hindi nila mauunawaan. Kaya, magagamit lamang Niya ang Kanyang mga gawa at katunayan para patunayan sa sangkatauhan at isakatuparan ang Kanyang kalooban. Ngayon lamang, matapos ang dalawang libong taon, inilantad ng Diyos ang mga bagay na ito habang ginagawa Niya ang gawain ng paghatol sa mga huling araw; nililingon ng mga tao ang mga pangyayari dalawang libong taon na ang nakararaan at ngayon lamang nauunawaan ang kahulugan ng pagkapako ng Panginoong Jesus noon. Tungkol sa dahilan ng pagkapako ng Diyos, paghahatid ng Kanyang Sarili kay Satanas, pagkakanulo ni Hudas sa mga sitwasyong iyon at, pagkatapos ng pagkakanulo, nagdusa nang matindi ang Panginoong Jesus, sinaid ang huling patak ng dugo upang tuparin ang kalooban ng Diyos, bakit ito ginawa ng Diyos, at ang kahulugan nito—binibigkas lamang ng Diyos ang tungkol dito kapag nagpapatotoo Siya sa pagkakatawang-tao habang nagpapakita at gumagawa Siya sa mga huling araw at, dagdag pa rito, isinisiwalat Niya ang maraming misteryo gaya ng kalooban at pamamahala ng Diyos. Ngayong nakita na ng mga tao ang koneksyon ng tatlong yugto ng gawain, alam na nila sa wakas ang pangitain ukol sa plano ng pamamahala ng Diyos, at nauunawaan na nila ang mga katotohanang ito at ang mga mabuting intensyon ng Diyos. Kung napaaga nang isanlibong taon ang pagsabi ng Diyos sa sangkatauhan, maiintindihan kaya ng mga tao? (Hindi nila maiintindihan.) Dahil dito, madalas na ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay habang nananatiling tahimik. Ano ang dahilan ng pananahimik na ito? Dahil ang gawaing ginagawa ng Diyos ay napakarunong, napakakahanga-hanga, at napakalalim—kung maagang nagsalita ang Diyos, anupaman ang nasabi, hindi maiintindihan o mauunawaan ng mga tao. Kaya nakapagpatuloy lamang ang Diyos nang tahimik, laging nagsasalita upang gawin ang Kanyang gawain at pamunuan ang sangkatauhan. Tama na sumunod ang mga tao sa Diyos, at habang mas malayo ang nararating mas lalo itong nagiging maliwanag. Hindi ka ililigaw ng Diyos, at kahit na dalhin ka Niya kay Satanas, responsabilidad pa rin ito ng Diyos sa huli. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananalig, at ito ang saloobing dapat na taglay ng mga nilikha tungo sa Diyos. Kung masasabi mong, “Kahit na dalhin ako ng Diyos kay Satanas bilang isang laruan, Siya ay Diyos pa rin, at hindi ko mababago ang aking puso na sumusunod sa Kanya, hindi ko mababago ang pananalig ko sa Kanya,” ito, kung gayon, ay isang tunay na pananalig sa Diyos.

Dalawang libong taon na mula nang ipinako ang Panginoong Jesus, at ngayon, itong mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay naririnig ang Kanyang tinig, at nakakapakinig ng mga sermon at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan araw-araw. Nauunawaan nila ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at alam nila ang mga hiwaga ng Kanyang plano ng pamamahala. Nauunawaan kaya ito ng mga mananampalataya ng Panginoon na nasa relihiyon? Kahit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nauunawaan, at nakakapit pa rin sila mga kuru-kuro nila. Kapag sinabi ng isang tao, “Ang Panginoong Jesus ay anak ng isang dukhang karpintero. Tingnan ninyo kung anong klaseng Panginoon ang sinasampalatayanan ninyo,” wala silang kapangyarihang pasinungalingan ito, at hindi sila makapagpatotoo sa Diyos. Napakakasuklam-suklam ng mga tao! Ang Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan para sa sangkatauhan at gumawa ng mga ganoon kadakilang mga bagay, pero kung hindi Niya personal na sasabihin sa tao ang kahulugan, halaga, at katotohanan na nasa mga bagay na ito, wala ni isang tao kung ganoon ang makakapanindigan para magsalita at magpatotoo sa Diyos. Ano ang kahulugan ng makapagsalita para sa Diyos? Ito ay ang magpatotoo sa mga gawa at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa halaga na Kanyang ibinayad upang tubusin ang lahing ito ng tao, at sa Kanyang mga kaisipan at ang kahulugan ng lahat ng bagay na ginawa Niya. Ano ang mauunawaan ninyo mula rito? (Hindi kayang maisip ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos.) Hindi kayang maisip ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos, ni maarok ito. Kaya dapat magkaroon ang tao ng wastong perspektiba at pananaw sa pagtingin o pagturing sa gawain ng Diyos, sa paggagabay Niya sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban. Dapat na may tamang pananaw ang tao. Mahalaga ito. Dapat mong malaman kung sino ka at kung sino ang Diyos, ang mga bagay na kailangan ay mayroon ka na magpapaunawa sa iyo ng mga salita at gawain ng Diyos, kung ano ang natural na hindi mo kayang maunawaan o maarok nang malinaw, at kung anong klaseng saloobin ang dapat na mayroon ka. Ito ang katwirang dapat mong taglayin. Sa ganitong paraan, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging medyo normal at nagkakasundo. Kung lagi mong paiiralin ang saloobing naghihintay sa kung ano ang mangyayari, nag-aakala, nagdududa o maging lumalaban sa pag-aaral at nagkakaroon ng mga espekulasyon tungkol sa Diyos, o pagsisiyasat sa lahat ng bagay na ginagawa Niya, magkakaroon ng problema. Ito ay akademiko, ito ay pananaliksik—ito ay isang walang pananampalataya. Dapat mong ituring ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang may perspektiba at saloobin ng pagsunod, paghahangad, at may-takot; ito lamang ang magbubunga ng tunay na kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang Diyos hindi ka sasalungat sa Kanya, o kahit papaano ay hindi ka magkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Magpapasakop ka, at masasabi mong, “Kahit na hindi ko alam ang kahulugan ng paggawa dito ng Diyos, naiintindihan ko na lahat ng ginagawa Niya ay tama.” Ano ang pagkaunawang ito? Ito ay ang lubusang pagkakumbinsido ng puso mo na lahat ng ginagawa ng Diyos ay may kahulugan, at dapat magpasakop ang mga tao. Dinala ng Panginoong Jesucristo ang Sarili Niya sa mga kamay ni Satanas at ipinako ni Satanas—hindi ito mabuting bagay sa mga mata ng tao, pero isinakatuparan Niya ang kalooban ng Diyos at tinapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Isa itong dakilang bagay, isang bagay na may malaking kahulugan at halaga sa buong sangkatauhan, subalit malinaw ba itong nakita ng sangkatauhan? (Hindi.) Hindi ito malinaw na nakita ng sangkatauhan. Hindi nakita ng sangkatauhan ang layunin ng Diyos dito, hindi rin nila naunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng paggawa dito ng Diyos; iyon ay, hindi nakita ng mga tao ang malaking pakinabang para sa sangkatauhan. Nakita lamang nila na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay tatlong araw matapos ipapako, nagpakita sa mga tao at nakipagtagpo sa kanila, nagkipag-usap, nakipaggunitaan, at pagkatapos ay lumisan; subalit ang kalooban ng Diyos ay naisakatuparan. Hindi ba ito labis na mahalaga? (Tama.) Naarok ba ito ng mga tao. Hindi. Mula sa bagay na ito, dapat magkaroon ang mga tao ng tamang pagsusuri sa kanilang sarili, at tamang saloobin tungo sa Diyos. Anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan man ito ng tao o hindi, dapat nilang takpan ang kanilang mga bibig. Tama ito. Huwag mong isiping pag-aralan ang lahat ng bagay, hindi iyon mabuti. Bakit hindi? Walang panuntunan na nagsasabing hindi ka pinahihintulutang gawin iyon, subalit mawawalan ka ng mapupuntahan at manganganib. Hindi mo maunawaan, at hindi mo maintindihan sa ngayon, pero gusto mo laging mag-aral, laging sumalungat sa Diyos. Kung hindi mo ito magawa sa pamamagitan ng pag-aaral, pero hindi mo rin hinahangad ang katotohanan, anong mga problema ang agad na lilitaw? Magiging madali sa iyo na magkamali sa pagkakaunawa sa Diyos. Mali ang magiging pagkaunawa mo sa simula, at kung hindi mo mauunawaan nang malinaw ang mga bagay at nanatili ang maling pagkaunawang ito, magiging negatibo ka at mahina, at maaapektuhan nito ang pagtupad mo sa iyong tungkulin at sa iyong buhay pagpasok—lahat ng bagay na ito ay magkakaugnay. Maraming bagay ang hindi nauunawaan nang malinaw sa loob ng isa o dalawang taon lang, at ang katotohanan ay napakalalim. Kahit na binigyang-liwanag ka ng Diyos ngayon, mauunawaan mo ba ito sa iyong maliit na tayog? Kahit na medyo maunawaan mo, mauunawaan mo ba nang lubusan ang katotohanan? Sasabihin mo, “Alam ko ang gravity. Bakit bumabagsak ang mga bagay at hindi pataas mula sa lupa, pero kung lalagpas ka ng atmospera at lalabas sa kalawakan, lulutang ka? Dahil lalabas ka sa paghila ng grabitasyon ng lupa. Naiintindihan ko ito, kung ganoon hindi ba’t nauunawaan ko na ang mga gawa ng Diyos?” Hindi mo alam kung paanong may ganap na kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa gravity, at naunawaan mo lang ang pagpapamalas nito. Hindi ibig sabihin nito na naarok mo na kung paanong may ganap na kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos dito, at kahit na magawa mo pa, magagawa mo bang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan dito? Manganganib ang mga tao kung lalabas sila ng atmospera, lulutang-lutang at lilipad-lipad lamang sila kung saan-saan kung walang gravity. Anong makikita mula rito? (Na maraming bagay ang hindi maaarok ng tao.) Hindi maarok ng tao, pero lagi silang sumasalungat sa Diyos para pag-aralan at obserbahan Siya, naghihinala ang mga puso nila na nagsasabing, “Kung hindi ko maaarok ang bagay na ito, hindi Ka Diyos.” Paano naman ang pananaw na ito? Ang pananaw at palagay na ito ay mali, sumasalungat ang mga ito sa Diyos, at mali na lagi Siyang pag-aralan. Dapat mong maunawaan ang Diyos, at sabihin na, “Hindi ko ito maunawaan, napakalalim nito at hindi ko ito maiintindihan nang lubusan kahit na bigyang-liwanag pa ako ng Diyos. Kaya magsisikap pa ako nang ilang taon nang may isang mapagpasakop na puso, at kung hindi ako sasagutin ng Diyos kakalimutan ko na lang ang tungkol dito. Walang harang o di-pagkakaunawaan sa pagitan ko at ng Diyos. Kung hindi ako magkakamali ng unawa o magrereklamo tungkol sa Diyos hindi ko Siya lalabanan. Kung hindi ko Siya lalabanan hindi ako maghihimagsik laban sa Kanya at kung hindi ako maghihimagsik laban sa Kanya, hindi ako tatanggi o lalayo sa Kanya. Isa akong tagasunod ng Diyos magpakailanman.” Ano ang pundasyon ng pagiging “isang tagasunod ng Diyos magpakailanman”? Ito ay “Kung umaayon man ang ginagawa ng Diyos sa aking mga kuru-kuro, lagi akong magpapasakop at susunod. Ang Diyos ay Diyos ko pa rin at ako ay isang nilikha, ako ay isang tao. Paano man ako tratuhin ng Diyos, itapon man ako sa impiyerno, sa lawa ng apoy, kay Satanas, o sa mga diyablo, lagi akong magpapasakop sa Kanya nang walang mga reklamo. Hindi mababago ang katayuan ng Diyos, ni ang pagkakakilanlan ko bilang isang nilikha. Hangga’t nananatiling di-nagbabago ang katunayang ito, dapat akong sumunod sa Diyos, at Siya ang aking Diyos magpakailanman.” Sa sandaling matatag na mag-ugat ang iyong paniniwala sa Diyos, hindi mo Siya tatalikuran. Ito ang relasyon sa pagitan ng iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha at ng Diyos. Sa sandaling makita mo nang malinaw ang pagkakakilanlan at posisyon ng Diyos sa iyong puso, at ang pagkakakilanlan at posisyon mo bilang isang nilikha na dapat mong ayunan, at kapag umugat ang mga ito sa puso mo, hindi ka lalayo mula sa Kanya. Pagkatapos, kapag mahina ka, negatibo, malungkot, o may nangyayaring hindi ayon sa iyong mga kuru-kuro at hindi mo ito maarok o maunawaan, maapektuhan ba nito ang relasyon mo sa Diyos? (Hindi.) Hangga’t malinaw ka tungkol sa katotohanan ng mga pangitain, nakapaglatag ng pundasyon, at nakaranas ka ng maraming kapaligiran at nakaunawa na ang lahat ng bagay ay may kahulugan, malalaman mo ang gawain ng Diyos at magiging mahirap para sa mga kuru-kuro mo na maglitawang muli. May ilang tao na naiintindihan lamang ang ilang bahagi. Halimbawa, tungkol sa paghatol at pagkastigo, inaamin ng mga tao na ang ginagawa ng Diyos ay makahulugan, pero may mga kuru-kuro kapag humarap sa pagpupungos. Sinumang magpungos sa kanila, hindi sila handang tanggapin ito at hindi nila tinatanggap na mula sa Diyos ang bagay na ito. Iniisip nilang ginagawa ito ng tao, at nagmumula kay Satanas. Hindi ba’t isa na naman itong pagkakamali? Isa na namang problema ang lumalabas, at ang paghahanap sa katotohanan ay dapat na magpatuloy. Kung hindi mo ito malalampasan, ganap ka bang makakapagpasakop sa gawain ng Diyos? Makakapagpasakop ka lamang sa umaayon sa iyong mga kuru-kuro, at susuwayin ang mga hindi. Napakadali para sa ganitong klase ng tao ang lumaban sa Diyos, at ang kanyang disposisyon ay hindi pa nagbago.

Maraming kaisipan, ideya, at kalagayan sa loob ng mga tao na madalas ay nakakaimpluwensiya sa ilan nilang mga opinion, perspektiba, at pananaw. Kung kaya mong lutasin isa-isa ang mga kaisipan, ideya at kalagayang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, hindi maaapektuhan ng mga ito ang relasyon mo sa Diyos. Maaaring may maliit kang tayog ngayon, na may mababaw na pagkaunawa sa katotohanan, at dahil kakapanampalataya mo pa lamang sa Diyos o dahil sa iba’t iba pa ang mga dahilan, hindi pa marami ang nauunawaan mong katotohanan—pero dapat mong maintindihan ang isang prinsipyo: Dapat akong magpasakop sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, mukha man itong mabuti o masama sa labas, tama o mali, at kung umaayon man ito o hindi sa kuru-kuro ng tao. Wala akong karapatang punahin, timbangin, suriin, o aralin kung tama ba ito o mali. Ang dapat kong gawin ay tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha at pagkatapos ay isagawa ang mga katotohanan na nauunawaan ko, para pasiyahin ang Diyos at hindi lumihis mula sa tunay na daan. Isasagawa ko gaano man karami ang ipaunawa sa akin ng Diyos, at hahangarin ko ang dapat kong isagawa, kahit na hindi pa ako nabigyang-liwanag ng Diyos; kung hindi ako binigyang-liwanag ng Diyos tungkol sa isang bagay na hindi ko kailangang maunawaan, magpapasakop at maghihintay ako, at marahil isang araw ay ipauunawa ito sa akin ng Diyos. Tulad ng pagkapako ng Panginoong Jesus, na matapos ang dalawang libong taon ay nauunawaan na ng mga tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at kahit na ang mga hindi masyadong masigasig sa kanilang paghahangad ay nakakaunawa din sa lahat ng tungkol doon. Maaaring hindi mo maunawaan ang ilan sa mga dakilang gawain tungkol sa planong pamamahala ng Diyos ngayon, pero mali ang pagkakaunawa mo sa Kanya dahil hindi mo naiintindihan ang katotohanan at ikinakaila ang pag-iral Niya, na siyang sumisira sa normal na relasyon sa pagitan mo at ng Diyos. Napakaseryosong pagkakamali nito. Dapat kang magkaroon ng saloobin, perspektiba, at pananaw kung saan sinasabi mo: “Maghihintay na lang ako sa mga bagay na ito na hindi ko naiintindihan. Kapag isang araw ay binigyang-liwanag ng Diyos ang sangkatauhan, marahil ay maiintindihan ko na ang lahat ng iyon.” Nang lumisan ang Panginoong Jesus sinabi Niya, “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis,”—bakit hindi matitiis ang mga iyon? Dahil ang tayog ng mga tao ay napakamusmos pa, at hindi nila maiintindihan. Parang pagsasabi ito sa isang tatlo o limang taong gulang na bata ng tungkol sa kung paano kumita ng pera o suportahan ang isang pamilya; maririnig niya ito, pero madarama niyang napakalayo nito sa kanya na hindi niya maunawaan at hindi niya ito maaabot. Napakaraming gustong sabihin ng Diyos sa sangkatauhan na dapat maunawaan ng mga tao, pero dahil sa musmos na tayog ng sangkatauhan, o dahil hindi pa ganap na naibunyag sa sangkatauhan ang mga proseso ng gawain ng Diyos, at hindi pa iyon naranasan ng mga tao, hindi nila maiintindihan kung malalaman nila nang napakaaga ang mga bagay na ito. Kahit na nakinig sila, kukunin lang nila ito bilang doktrina at uunawain nang literal, pero hindi nila tunay na malalaman kung ano ang sinasabi ng Diyos. Kaya, hindi nagsasalita ang Diyos. Angkop ba para sa Diyos ang hindi magsalita? May pakinabang ba sa tao? (Mayroon.) Maaantala ba nito ang paglago ng mga buhay ng tao? Tiyak na walang anumang pagkaantala, wala talaga, wala itong epekto sa pang-araw-araw mong buhay o sa normal mong paghahangad. Kaya, kalmahin mo lang ang puso mo at hangarin ang katotohanan, dahil ito ang pinakamahalagang bagay; sa huli, ang lahat ng bagay ay papunta sa paghahangad ng katotohanan. Kung hahangarin mo ang katotohanan, ang mga hiwaga sa ilang bagay na ginagawa ng Diyos, ang Kanyang karunungan, pagiging kahanga-hanga, at disposisyon sa lahat ng Kanyang ginagawa, at ang mga bagay na dapat maunawaan ng sangkatauhan, ay unti-unting magiging malinaw sa pamamagitan ng proseso ng pagsunod sa Diyos. Maraming aspektong kasama sa pagkamit ng pagkakilala sa Diyos, at—sa iyong proseso ng pakikipag-ugnayan, pakikisalamuha, at koneksyon sa Diyos—dapat mong maranasan ang Kanyang mga salita, malasap ang Kanyang mga salita, malasap ang Kanyang gawa, gayundin ang Kanyang pagbibigay-liwanag at paggagabay sa iyo. Sa panahon ng prosesong ito, kahit na hindi mo namamalayan, makakamit mo ang kaalaman sa Diyos; iyon ay, unti-unti mong makakamit ang pagkaunawa sa Diyos sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos sa iyo. Kung hindi ka dadaan sa mga prosesong ito, sa halip ay titingin na lamang nang may kamalayan sa himpapawid araw-araw, umaasa sa imahinasyon mo para makita ang gawain ng Diyos, hindi mo ito magagawa kailanman. Sa bandang huli ay magdududa ka at magsasabing, “Nasaan ang Diyos? Ginawa ba Niya ang buwan? Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog sa gabi—ganito ba pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay?” Ang ganitong uri ng pagkaunawa ay walang saysay, at ang pananalig mo ay magiging mga walang katuturang salita. Kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka sa Diyos, sasabihin mo: “Nananampalataya ako sa Diyos, may matibay akong pananalig, Kristiyano ako.” Kung tatanungin nila: “Bakit hindi ka Budista?” sasabihin mo: “Ang totoong daan ay hindi Budismo, kundi Kristiyanismo.” Ang katunayan na ito lamang ang masasabi mo ay nagpapatunay na wala kang karanasan at wala kang nakuhang anuman. Lahat ng bagay tungkol sa Diyos, lahat ng mayroon Siya at kung ano Siya, Kanyang disposisyon, Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos para sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay, at realidad at pagiging tumpak ng Kanyang mga salita at ang kahulugan, pagtuturo at halaga ng mga ito sa sangkatauhan, gayundin ang ilang paraan Niya ng pagsasagawa, gaya ng pagsubok, pagdidisiplina, pagbibigay-liwanag, paglilinaw, pagbibigay-kapanatagan at paghihikayat, at ilan sa Kanyang natatanging paggabay sa tao—kung hindi mo personal na naranasan ang mga ito, hindi mo tunay na nalasap ang mga ito, magiging normal ba ang relasyon mo sa Diyos? Totoo bang makakapagpasakop ka sa Kanya? Ang pagkaunawa mo sa Diyos ay magiging katanungan magpakailanman, isang hanay ng mga tandang pananong, na wala talagang tunay na pagkaunawa. Kung ganoon, normal ba ang relasyon mo sa Diyos? Talaga bang relasyon ito ng nilikha at ng Lumikha? Ano ba talaga ang kinakatawan ng tandang pananong na ito? Magiging di-pamilyar ang Diyos sa iyo magpakailanman, sa pagkakakilanlan man, katayuan, o Kanyang diwa. Hindi mo Siya pamilya, hindi mo kamag-anak, parang palagi Siyang dayuhang bisita na hindi mo kailanman nakilala—kaya hindi madaling ipaliwanag kung ano ba talaga ang relasyon mo sa Diyos, pero tiyak na hindi talaga ito umaabot sa ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha.

Ano ang mga pangunahing punto sa pananampalataya sa Diyos? Paano gagawing realidad na dapat taglayin ng mga tao sa buhay nila ang pananampalataya sa Diyos? Paano matutupad ang pagpapasakop at pagkamit sa Diyos? Dapat kang magtiwala sa pagdanas sa Kanyang mga salita, lalung-lalo na sa Kanyang paghatol at pagkastigo, bago mo magawang magpasakop at makamit ang Diyos. Bagama’t maraming tao ang handang tuparin ang kanilang tungkulin, hindi nila nauunawaan kung paano maranasan ang gawain Niya. Para magawa iyon, dapat mong maranasan ang paghatol at pagkastigo Niya, ang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino Niya. Lahat ng hinihingi ng Diyos ay dapat isagawa, pasukin, at abutin. Tinatawag itong pagdanas sa gawain ng Diyos. Para maranasan ito dapat kang magtatag ng isang normal na relasyon sa Kanya, laging nagdarasal sa Kanya at naghahangad mula sa Kanya nang may pusong nagpapasakop. Anuman ang mangyari o anumang mga hirap ang kaharapin mo, dapat kang magtiwala at bumaling sa Diyos, hinahanap ang mga kasagutan at ang daan sa Kanyang mga salita, at laging nagdarasal at nakikipagbahaginan sa Kanya. Ang pagdaranas sa gawain ng Diyos ay ang makipag-ugnayan sa Kanya at sundin ang Kanyang mga salita at gawa, magdasal at maghangad mula sa Kanya kapag may mga problema o paghihirap ka. Kapag marami ka ng karanasan sa ganitong paraan, at nauunawaan mo ang katotohanan, matututuhan mo kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa mga bagay na nangyayari. Maraming paraan para magamit ang mga salita ng Diyos, halimbawa, sa pamamagitan ng pagdarasal at paghahanap kapag may mga nangyayari, at dahil dito ay makikita kung paano malinaw na inihayag ng mga salita ng Diyos kung paano dapat kumilos ang mga tao, kung ano ang mga prinsipyo, at kung ano ang mga layunin at hinihingi ng Diyos sa tao. Kapag alam mo na ang lahat ng ito, at nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, magkakaroon ka ng ilang kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok dapat mong hanapin, “Ano ba ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa ganitong mga matinding pagsubok? Ano ang kahulugan ng pagsubok ng Diyos sa mga tao? Bakit gusto Niyang subukin ang mga tao?” Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ikaw ay tiwali, laging mapagrebelde at masuwayin, at hindi ka nagpapasakop sa Kanya, pero laging may mga imahinasyon at kuru-kuro at na gusto kang linisin ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok. Anuman ang maranasan mo, pag-uusig man at mga pagsubok, o pagpupungos, pagdidisiplina at kaparusahan, at kahit na anumang kapaligiran ang inilalatag ng Diyos para sa iyo o anumang kaparaanan ang ginagamit Niya, dapat ay palagi kang maghanap ng kasagutan at batayan sa mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga layunin at hinihingi Niya sa iyo. Kumbaga, anupaman ang mangyari, dapat mo munang isipin kung ano ang sinabi ng Diyos, kung paano Niya gustong magsagawa ang mga tao, ano ang mga hinihingi Niya sa mga tao, at kung ano ang mga layunin Niya. Unawain mo ang mga bagay na ito, at malalaman mo kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos. Kung walang lugar para sa Diyos sa puso mo at hindi mo minamahal ang katotohanan, sa halip ay lagi mong iniisip kung ano ang sinasabi ng mga tao, libro, o mga kilala at dakilang tao, o kung ano ang ginagawa ng mga walang pananampalataya kapag nangyayari ang mga bagay na ito, kung maghahanap at magsasagawa ka sa ganitong paraan, isa kang hindi mananampalataya, dahil ang mga kaisipan mo at landas mo ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Kung isa kang nananalig sa Diyos, pero ang pag-iisip mo ay katulad ng sa mga walang pananampalataya at lumalakad ka sa landas ng mga walang pananampalataya, ito, kung ganoon, ay maling daan na may ganap na hangganan; hindi iyon ang dapat gawin ng isang nananampalataya sa Diyos, o ang landas na dapat niyang lakaran. May mga taong gaya nito sa loob ng iglesia, at sila ay sa mga hindi mananampalataya, mga walang pananampalatayang nakatago sa loob ng iglesia.

Paano nagkakaugnay ang tao at ang Diyos? Paano mo makikilala ang Diyos? Paano Siya gumagawa sa tao? Ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa Kanyang mga salita, kung saan ibinubunyag Niya ang Kanyang mga layunin, gabayan ka sa landas na dapat mong tahakin, subukin ka, at sabihin sa iyo ang lahat ng hinihingi at mga pamantayan Niya para sa iyo. Nauunawaan ng mga tao ang lahat ng aspekto ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, nang hindi ito namamalayan: ang mga prinsipyo sa likod ng kung paano makitungo sa mga tao at pangasiwaan ang mga bagay, paano tratuhin ang kanilang mga kapatid, ang gawain ng iglesia, at ang kanilang tungkulin, paano maranasan ang mga pagsubok, paano maging tapat sa Diyos, paano magwaksi, paano pakitunguhan ang mundo ng mga walang pananampalataya, at iba pa. Lahat ng ito ay nasa salita ng Diyos, at sinabi na Niya sa sangkatauhan. Pero sa huli, hanggang sa anong sukat ito mararanasan ng tao? Puwedeng makita ng mga tao ang Diyos sa Kanyang mga salita, at makalapit sa Kanya nang harapan. Maaaring may magtanong ng: “Nasaan ang Diyos na sinasampalatayanan mo?” Ang mga hindi nakaranas nito ay hindi ito mauunawaan: “Tama, nasaan ang Diyos? Hindi pa Siya nagpapakita sa akin. Laging sinasabi na nasa ikatlong langit Siya, pero hindi ko pa Siya nakikita. Hindi ko alam kung gaano talaga kalaki o kataas ang Diyos, o kung gaano Siya kamakapangyarihan at kung paanong Siya ay nasa lahat ng dako.” Sasabihin ng mga may karanasan: “Hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Nakaharap ko na ang mga salita ng Diyos mula noong pinakaunang araw na nanampalataya ako sa Kanya. Ngayon ay dalawampu o tatlumpung taon na akong nananampalataya sa Kanya, at nakikita ko sa mga salita Niya ang Kanyang disposisyon at diwa, at mayroon akong ilang pagkaunawa at kaalaman sa Kanya. Matapos maranasan ang Kanyang mga salita sa mga nakalipas na taon, kung isang araw ay lalapit ang Diyos sa akin at magsasalita sa akin, makikipag-ugnayan sa akin, makukumpirma ko na Siya ang Diyos na naghayag ng mga salitang iyon, Siya ang Kaisaisang sinasampalatayanan ko, walang duda! Anuman ang itsura Niya, hangga’t ang Kanyang mga salita at ang mga ito ay pareho ang pinagmulan, Siya ang Diyos na sinasampalatayanan ko, ang Diyos mula sa langit, ang Isa na may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ko, at sa lahat ng bagay. Siya iyon.” Sa panahong ito, kailangan pa rin bang magsalita ng Diyos sa iyo mula sa langit? (Hindi na kailangan.) Anuman ang anyo o imaheng kinuha ng Diyos, hindi mo ito kailangang makita. Hindi kailangan. Hindi ka magkakaroon ng ganoong interes. Pero bakit? Pagkatapos ng ilang taon ng karanasang ito, ng pakikipag-ugnayan sa Diyos, kahit na hindi mo masabi na kilala mo Siya, o sobrang pamilyar ka na, kahit papaano ay hindi ka na estranghero sa Kanya dahil sa Kanyang mga salita at sa mga karanasan mo sa mga iyon at sa Kanyang gawa. Kasama mo Siya, ginagabayan ang buhay mo, kataas-taasan ang kapangyarihan sa iyo sa araw-araw at sa iyong kapalaran. Labis Niyang nauunawaan ang iyong kagalakan, kalungkutan, galit, at kasiyahan, at alam mo ang sa Kanya. Hindi na mali ang pagkakaunawa mo sa Kanya o hindi ka na nagrereklamo tungkol sa Kanya, at sa lugar Niya sa puso mo ay masasabi mong Siya ang nasa trono, at naghahari bilang Hari, kayang pamahalaan ang buo mong pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng “naghahari bilang Hari”? Ibig sabihin nito ay ginagamit mo ang mga salita ng Diyos upang lutasin ang anumang nangyayari, at ang Kanyang mga salita ang panginoon ng puso mo. Hindi na ikaw ang panginoon. Ang kaalaman at natutuhan mo, ang mga librong nabasa mo, ang mga karanasan at pangyayari sa buhay mo—hindi ka magagabayan ng lahat ng ito. Gagabayan ka ng mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, ang mga ito ang magiging gabay na aklat ng buhay mo, na nabubunyag at naisasabuhay araw-araw sa iyong aktuwal na pamumuhay. Ito ang paraan para magkaroon ka ng mga katotohanang realidad. Sa panahon iyon, kung may magtatanong ulit sa iyo, “Dahil nananampalataya ka sa Diyos, kilala mo ba Siya?” Sasabihin mo: “Kilala ko nang bahagya ang Diyos. Ayokong mangahas na gumamit ng mga salita para ilarawan ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, o mangahas man na bigyang-kahulugan Siya, pero kahit papaano ay alam kong hindi maaarok ang Diyos, napakarunong at kahanga-hanga, at labis na nagmamahal sa sangkatauhan. Ang pagmamahal ng Diyos ay napakadakila, napakatotoo, at ang Kanyang disposisyon ay napakamatuwid!” Hindi ba’t ang katiting na pagkakakilalang ito ay mas mahalaga kaysa sa hindi tunay at malalabong kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Tama, ganoon nga.) Kung ganoon, saan nanggagaling ang mahahalagang bagay na ito? Nanggagaling ang mga ito sa pagdanas ng mga salita ng Diyos. Iyon ay, matapos mabigyan ng mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taong ito, nag-ugat ang mga ito sa iyo at umusbong, namulaklak, at namunga, at naisabuhay mo ang realidad ng Kanyang mga salita. Paano mo makakamit ang epektong ito habang isinasabuhay ang mga salita ng Diyos? (Sa pamamagitan ng pagdanas, paunti-unti, sa mga pagsasaayos ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay.) Galing ito sa karanasan, ang patuloy na pagpapatunay sa mga salita ng Diyos sa panahong ito, pagpapatunay na bawat isa sa mga pangungusap ng Diyos ay ang katotohanan, at ang kailangan mo sa iyong buhay. Sa panahong iyon, kung may magsasabing, “Ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay hindi Diyos, hindi Siya umiiral, hindi Siya makita,” sasabihin mo sa kanya: “Hindi para sa isang tao ang pagpapasya sa pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ang siyang magpapasya, ang katunayan na umiiral at kataas-taasan ang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ang siyang magpapasya, ang aktuwal na karanasan ko sa gawain ng Diyos sa loob ng mga taong ito ang magpapasya, ang lahat ng patotoo ng karanasan sa gawain ng Diyos ang magpapasya. Ito ang katibayan.” Ito ay ang pagpapatotoo sa Diyos. Kung may magsasabi uli ng, “Nasaan ang Diyos?” paano ka tutugon? (Nasa puso ng bawat taong nananampalataya sa Kanya.) Nabubuhay na ang Diyos sa mga puso ng tao, pero nasa loob rin Siya at nasa lahat ng bagay, sa paligid natin. Ito ang pag-iral ng Diyos. Hindi mo ito maikakaila, at ang nararanasan mo ay mas tunay kaysa sa nakikita mo. Kahit na makita mo ang Diyos, makikilala mo ba Siya? (Hindi, hindi ko makikilala.) Kung bababa ang espirituwal na katawan ng Diyos sa mga tao at magsasabing, “Ako ang Diyos,” magugulat ka at sasabihing, “Ikaw ang Diyos? Paanong hindi Kita nakikilala? Hindi ko tinatanggap ang Diyos na gaya Mo!” Sa totoo lang, matatakot ka. Bakit ka magkakaroon ng ganitong klaseng reaksyon? Dahil hindi mo kilala ang Diyos, kaya may ganito kang klaseng saloobin at pag-uugali tungo sa Kanya.

Ano ang pinakamahalagang bagay na dapat pag-ukulan ng pansin kapag nananampalataya sa Diyos? Maaari mong sabihin na ang pagdanas sa Kanyang mga salita ang pinakamahalaga. Sa proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, anumang maling mga kalagayan mayroon ang mga tao, mga kalagayan ng paglaban sa Diyos o pagiging mapagrebelde, o anumang nakalilinlang na mga pananaw, lahat ng ito ay dapat na baguhin at lutasin gamit ang katotohanan. Sa ganitong paraan, unti-unting bubuti ang panloob mong kalagayan, lalong magiging normal ang relasyon mo sa Diyos, at madarama mo ang pag-iral ng Diyos. Kung ang relasyon mo sa Diyos ay hindi normal, hindi mo madarama ang pag-iral ng Diyos. Hindi ba’t may katotohanan sa lahat ng ito? May katotohanan sa lahat ng ito. Kung ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay parang nabubuhay sa kawalan, walang ugnayan sa anuman, walang nakikita, walang alam, binabalewala ang panlabas na mundo, tulad ng mga Taoistang monghe at madre na nagsasagawa ng asetikong pamumuhay, hindi ito ang tamang paraan. Kung nakakapagmasid, nakakaunawa, at nakakaranas ang mga tao, makikita nila ang mga pagkilos ng Diyos sa maraming bagay. Subalit may ilang bagay sa kasalukuyan na napakalalim at hindi maaabot ng karamihan sa mga tao, kaya hindi mo dapat bitiwan kung ano ang malapit para hanapin kung ano ang malayo. Tumuon ka lang sa mga salita ng Diyos at pag-aralang sukatin ang sarili mo sa mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng sukatin ang sarili sa mga iyon? Ito ay ang makita kung mayroon ka bang iba’t ibang kalagayan na inilantad sa mga salita ng Diyos, kung nasaang katayuan ka, ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, at kung anong kalagayan ng tao ang sinasabi Niya. Lahat ng ito ay dapat na masuri at maunawaan nang malinaw. Minsan maririnig ng mga tao ang mga salita ng Diyos nang isang beses, pero pumapasok ang mga ito sa isang tainga at lumalabas sa kabila at iniisip nila, “Hindi para sa akin ang mga salita ng Diyos. Wala akong ganitong kalagayan. Ibang tao ang tinutukoy Niya.” Ito ang maling paraan ng pag-unawa sa mga iyon, at ipinakikita nito na hindi mo pa rin nauunawaan ang Kanyang mga salita, na wala pa ring epekto ang mga iyon sa iyo, at hindi mo pa nahimay-himay ang mga iyon. Magtamo ka pa ng karanasan hanggang sa dumating ang araw na marinig mo ang mga salita ng Diyos na nagsisiwalat sa mga tao at sasabihin mong, “Nagsasalita ang Diyos tungkol sa akin.” Ito ay ang sukatin ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos. Subalit simula pa lamang ito, simula pa lamang ito ng pagpasok sa mga salita ng Diyos—maaaring hindi mo pa alam kung ano talaga ang kalagayang sinasabi ng Diyos. Kaya dapat kang dumaan sa isang panahon ng paghahanap kung ano ang katotohanang nasa sinasabi ng Diyos, kung ano ang mga hinihingi Niya, at kung anong landas ang ibinibigay Niya sa sangkatauhan. Kinapapalooban ito ng mga detalye; hindi ka maaaring magsuri lamang ng panlabas na kalagayan at magtapos doon. Ano ang layon ng Diyos sa pagsusuri sa kalagayan ng mga tao at pagpapasiyasat nito sa kanila? Ito ay ang baguhin ang kanilang direksyon. Sinasabi ng Diyos na ito ay isang maling kalagayan, at kung nabubuhay ka sa ganitong uri ng kalagayan, o kung mayroon kang ganitong uri ng pananaw, magagawa mong labanan ang Diyos. Isa itong pagrerebelde, ginagalit nito ang Diyos, at isa itong tiwaling disposisyon na nabibilang kay Satanas at hindi umaayon sa katotohanan; dapat mong baguhin ang landas mo. Habang nagbabago ng landas, dapat mong maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, na may katotohanan sa mga hinihinging ito, at dapat mong maunawaan ang layunin ng Diyos at pagnilayan na, “Ano ba ang hinihingi ng Diyos sa bagay na ito? Paano ko mababago ang landas, mapapalaya ang sarili ko at malulutas ang ganitong uri ng kalagayan?” Kinapapalooban ito ng paghahangad sa katotohanan. Hindi sapat na sukatin mo lang ang sarili mo sa mga salita ng Diyos—karagdagan pa rito, kailangan mo pa ring maunawaan ang katotohanan at kilalanin ang sarili mo. Pagkatapos ay madarama mo na dakila ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at mapupuri mo Siya mula sa iyong puso: “Napakarunong ng Diyos, sinisiyasat ang kaibuturan ng puso ng tao! Inilantad ng Diyos ang kalagayan ko, hindi ko alam na mayroon pala ako niyon, ngunit alam ng Diyos ang lahat ng bagay!” ‘Yun na ba iyon? Napakalayo pa nito sa pagiging sapat, at hindi ito ang hinihingi ng Diyos. Hinihingi Niyang bitiwan mo ang mga negatibo, mga maling kalagayan, na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon at, sa sandaling malutas mo ang mga iyon, magsagawa ka nang alinsunod sa katotohanan. Habang ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay unti-unting lumalalim, lubusang magbabago ang panloob mong kalagayan at bibitiwan mo ang dati mong pananaw sa mga bagay, makikita mo na nakalilinlang ito, malalaman mo kung nasaan ang kamalian at kung ano ang diwa nito, at dahil dito ay malulutas mo ito. Kapag kaya mo nang ganap na bitiwan ang mga makamundong bagay at mga satanikong pananaw, kahit na pakiramdam mo ay inukaan ka sa loob, ang puso mo ay magsisimulang mapuno ng mga katotohanang naunawaan mo. Kung ano ang tamang pananaw na gusto ng Diyos na taglay mo, kung ano ang nais Niyang magkaroon ka, kung aling mga pananaw ang tamang makamit mo at kung alin ang mali—may proseso para maunawaan ang mga bagay na ito na hinihingi sa iyo na patuloy mong hanapin ang katotohanan at mas lumalim pa rito, at kapag tunay mong naunawaan ang katotohanan, ang puso mo ay ganap na masisiyahan at mapapanatag. Hindi madali para sa isang tao ang maniwala at tanggapin ang katotohanan. Lahat ng tao ay may mga aktibong kaisipan, lahat sila ay may mga kaisipan at ideya at tiwaling disposisyon, at kapag wala silang ginagawa, lagi nilang pag-aaralan at susuriin kung tama ba o mali ang mga salita ng Diyos. Kung may makakatagpo silang isang tao na nauunawaan ang katotohanan at ibinahagi nila ang patotoo nilang batay sa karanasan, makakatamo sila ng ilang pakinabang at pagpapatibay; subalit kapag may nakatagpo silang isang tao na nagsasabi ng mga kahangalan at kakatwang pananaw, mahihikayat rin niya sila. Ito ay isang normal na kalagayan. Subalit, pagkatapos makaranas nang sapat, isang araw ay ganap nilang tatanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at matatanto nila kung saan sila nagkamali. Subalit ang pagkatanto ba rito ay nangangahulugang maisasagawa nila ang katotohanan? (Hindi, hindi nila kaya.) Hindi pa sila handa, iniisip nila sa sarili nila, “Pagkakaitan ko lang ang sarili ko nang ganun-ganun lang?” Gusto pa rin nilang magpatuloy sa pagsusuri ng mga bagay, at anuman ang isipin nila sa kanilang mga puso, laging naroon ang kanilang pagiging mapagrebelde at tiwaling disposisyon. Hindi ganoon kadali para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan; hindi nila basta o ganap na tuwirang matatanggap ito bilang ang katotohanan. Kahit na malinaw nilang nalalaman na ito ang katotohanan, hindi pa rin nila ito agad-agad at ganap na maisasagawa. Kinukumpirma nito ang katunayan na sa loob ng tao ay ang mga tiwaling disposisyon, at isang satanikong diwa. Ang layunin ng gawain ng Diyos at ang pagpapahayag ng katotohanan ay lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, hukayin ang katiwalian, lutasin ito, at linisin ito nang paunti-unti. Ang pananaw ng tao ay unti-unting aayon sa pananaw ng Diyos, at ang ginagawa nito ay magiging tugma sa katotohanan. Sa anumang aspekto ka naaayon sa Diyos, hindi ka magkakamaling maunawaan Siya sa aspektong iyon. Saan ka man may maling pagkakaunawa sa Diyos, doon mo dapat hanapin ang katotohanan, at gamitin ito upang lutasin ang di-pagkakaunawaan. Hindi mo dapat laging igiit ang iyong pananaw, laging iniisip na ang maling pagkakaunawa mo ay wasto at may katwiran, na ito ay matatag at may katuturan saanman ito gamitin. Katawa-tawa ito. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon—normal sa kanila na maging medyo mapagmataas; maaari silang magbago hangga’t tinatanggap nila ang katotohanan. Mapanganib kung sila ay kakatwa at may mga maling pananaw sa mga bagay, at hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at madalas na mali ang pagkakaunawa nila rito. Ang ganitong mga klase ng tao ay malamang na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sumalungat sa Diyos; sila ang mga uri na nabibilang kay Satanas. Tungkol sa di-pagkakaunawa sa Diyos, kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan, iisipin niya na mali ang ginagawa ng Diyos. Kung lagi nilang “lilitisin” ang Diyos sa ganitong paraan, nakikipagtunggali at lumalaban sa Kanya, lumalaban at nakikipagtunggali, sa huli ay magtatapos ito sa kabiguan, at sila ay lubusang mapapahiya. Ang katotohanan at ang Diyos ay laging lalabas na matagumpay. Kung mapapanatili mo ang isang mapagpasakop na puso, at hahanapin at tatanggapin ang katotohanan sa iyong pakikipagtalo at pakikipaglaban sa Diyos, doon lamang pwedeng magbago ang iyong puso, at kalaunan ay kailangan mong magpasakop sa salita ng Diyos. Ang proseso ng pagliligtas ng Diyos at pagkamit ng tao ay ang pagdanas sa prosesong ito, at ang mga mas gustong mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan ay ilalantad at ititiwalag. Kung matatanggap mo ang katotohanan, at makapagpapasakop ka sa Diyos, isa kang tao na sumusunod sa Diyos, puwede mong makamit ang pagiging kaayon Niya, at hindi na muling magrerebelde o lalaban sa Kanya. Gaano man kahaba ang panahong nananampalataya ang isang tao sa Diyos, hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan at magtagumpay sa pagpapasakop sa Kanya, sa huli ay makakamit nilang lahat ang pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng halimbawa. Sabihin nating pinag-aaralan mo ang botanika o agrikultura, at nagtanim ka sa lupa ng sampung binhi ng punong namumunga. Mula sa napag-aralan mo, alam mo na ang sampung binhing ito ay maaaring tumubo at maging sampung puno. Isa itong konklusyon batay sa siyentipikong pundasyon at teorya, at pinanghahawakan mo ang konklusyong ito. Kaya kung sasabihin ng Diyos na maaaring tumubo ang labing-isang puno mula sa sampung binhing ito, hindi ka maniniwala: “Posible ba iyon? Paano tutubo ang labing-isang puno mula sa sampung binhi?” Sa katunayan, may isang nakakubling binhi na hindi mo nakita. Ano ang batayan sa pagkapit mo sa sarili mong pananaw? Ito ay ang siyentipikong katibayan at kaalamang natutuhan mo—kinokontrol ng mga ito ang pag-iisip mo, at hindi mo makita ang higit pa sa saklaw nito. Kung kukunin mo iyon bilang iyong pamantayan, ibig sabihin ay hindi mo kinukuha ang mga salita ng Diyos bilang iyong pamantayan—at iyon ay pagrerebelde ng tao. Iisipin mo, “May pundasyon ako, paano Mo nasasabi kung gayon na ang konklusyon ko ay hindi ang katotohanan? Ang sinabi Mo ay walang batayan, paano Mo kung gayon masasabi na ang mga salita Mo ay ang katotohanan? Ang mga iyon ay ganap na walang pundasyon! Ilang tao ang nagpatunay nito? Sino ang nagpatunay nito? Sino ang nakakita? Nasaan ang mga katunayan?” Itinatatwa mo na ang mga salita ng Diyos bago mo pa makita ang mga katunayan, laging naglalagay ng tandang pananong sa Kanyang mga salita, lagi Siyang itinatatwa, laging nadarama na, “Ang sinabi ng Diyos ay mali; ang konklusyon ko ang tama, dahil napatunayan na ito. Isa akong akademiko sa larangang ito, isang propesyunal, kaya ang konklusyon ko ay dapat markahan na tama.” Itinutumbas mo ang sampung binhi sa tutubong sampung puno, kaya hindi ka naniniwala sa Diyos kapag sinasabi Niyang labing-isang puno ang tutubo. Ngunit kapag ang resulta at katunayan ay labing-isang puno ang tumubo, makukumbinsi ka ba? (Oo, makukumbinsi ako.) Lubos ka bang makukumbinsi? Bakit? (Nakita ko ang mga katunayan.) Kapag nakita mo ang mga katunayan, magsisimula kang tanggihan ang kaalamang nakuha mo at ang sarili mong konklusyon, at marahil ay magkakaroon ng pagpupumiglas sa puso mo: “Bakit ako naging mali? Puwede nga bang maging mali ang agham?” Sa prosesong ito, pag-aaralan at susuriin ng mga tao kung tama ba o mali ang mga salita ng Diyos, at paghahambingin ang mga ito: “Alin ang tama, ang mga salita ng Diyos o ang siyentipikong pangangatwiran? Sino ang malamang na tama?” Naroon na ang katunayan, subalit hindi pa rin sila lubos na matanggap ng mga tao, at dapat pang maghintay ng ilang taon bago sila lubusang makumbinsi ng ginawa ng Diyos at tunay na tanggapin ito. Ang Diyos ay hindi nagsasalita o kumikilos nang walang pundasyon; ang proseso ng Kanyang mga pagkilos ay hinahayaan kang makaranas at matuto sa sarili mo, hanggang sa makita mo kung ano ang mga resulta. Ano ang makakamit mo sa prosesong ito? Hinahayaan nitong magkaroon ka ng tunay na pagpapatibay sa mga pagkilos ng Diyos. Hindi Niya hahayaang sabihin mo nang walang batayan na, “Ikaw ay Diyos, Ikaw ay dakila at marangal, marunong at kahanga-hanga.” Hindi Niya hinahayaang magpatotoo ka sa Kanya nang ganoon; sa halip, ginagamit Niya ang mga katunayang ito para maranasan at makita mo mismo. Hindi sasabihin ng Diyos na mali na ang sampung binhi ay tutubo at magiging sampung puno. Hindi Niya ito pabubulaanan o hindi Siya makikipagtalo sa iyo, ngunit gagamit Siya ng mga katunayan para patunayan ang punto, at hayaan kang makita mo ito mismo. Marahil ay sinabi ito ng Diyos sa iyo noong dalawampung taon ka, subalit hindi Niya sinabi na “Ako ang katotohanan, at dapat kang makinig sa Akin.” Hindi iyon sinabi ng Diyos; ginawa na lang Niya iyon, at nakita mo ang resulta noong tatlumpung taon ka na. Ganun katagal ang inabot. Nakipagtalo ba ang Diyos sa iyo noong panahong ito? (Hindi, hindi Siya nakipagtalo.) Kung ganoon, sino ang nakikipagtalo? Ang mga tao ang nakikipagtalo sa Diyos, at laging nag-iisip na, “Mali ang Diyos. Hindi siyentipiko ang sinasabi at ginagawa Niya at hindi makatwiran.” Gustung-gusto ng mga taong makipagtalo sa Diyos, pero nananahimik lamang Siya at patuloy na gumagawa. Paglipas ng sampung taon matutuklasan mo ang isang katunayan at matatakot: “Naku, mali pala ang pananaw ko!” Sa oras na tanggapin mong mali ka, ang konklusyon sa bagay na iyon ay nabuo na, pero matatanggap mo ba ito? Tinatanggap mo lamang ang isang kakaibang pangyayari, subalit sa puso mo ay hindi mo pa rin talaga alam kung ano ang nangyayari. Gaano karami pang mga taon ng karanasan ang kailangan mo? Maaaring abutin pa ng isang dekada ng pagdanas mo nito bago mo makumpirma na ang konklusyon sa kung ano ang ginawa ng Diyos sa bagay na ito ay tama, at na ang Diyos ay ang katotohanan at tama, samantalang ikaw ay mali. Pagdating mo ng apatnapung taon, lubusan ka nang makukumbinsi, at sasabihin na, “Ang Diyos ay ang katotohanan, Siya talaga ay Diyos, at ang ginagawa Niya ay napakakahanga-hanga at tunay! Napakarunong ng Diyos!” Pinagkakaitan mo ang sarili mo. Tingnan mo, ilang taon ng karanasan ang kinailangan? (Dalawampung taon.) At ano ang ginawa ng Diyos sa dalawampung taon na ito? Hindi Siya gumamit ng mga pormula para sabihin sa iyo, gaya ng pagpapaliwanag ng tungkol sa Newton’s law—gumamit Siya ng mga katunayan para ipakita sa iyo ang ilang bagay, at binigyang-liwanag at ginabayan ka para maunawaan ang mga iyon sa pamamagitan ng mga kakaibang pangyayari at mga kaganapan sa paligid mo. Magkakamit ka ng kaunting pagkaunawa matapos ang tatlo o limang taon at sasabihin na, “Mali ako, ngunit lubusan ba akong mali?” Mas danasin mo pa at ilalatag ng Diyos ang ilang katunayan para sa iyo, at kapag apatnapu ka na—pagkatapos pa ng isang dekada—aaminin mo na mali ka. Ganito gumagawa ang Diyos, ito ang mga bagay na ginagawa Niya. Sa pamamagitan ng anong proseso mo matatanggap na mali ka, at tama ang Diyos? Sa pamamagitan ito ng proseso ng pagharap sa mga katunayan, at sa ilalim ng pagbibigay-liwanag at paggagabay ng Diyos na magkakaroon ka sa ganitong pagkatanto. Ganoon ang prosesong ito; hindi ka lamang basta bibigyan ng Diyos ng konklusyon at papapaniwalain ka roon nang walang pundasyon. Kung pinilit ka ng Diyos na makaunawa, magiging mabuti ba iyon? Kung sapilitan kang kinontrol ng Diyos para makaunawa ka, magagawa mo, at malalaman mo rin naman na tama ang Diyos. Subalit hindi layunin ng Diyos na gawing robot ang mga tao. Hindi iyon ang nais Niya. Nais Niya na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, pumili, at magpasakop sa Kanya. Subalit ang makamit ang resultang ito ay nangangailangan ng panahon.

Sa ngayon, naranasan na ba ninyo na ang gawain ng Diyos ay praktikal? (Oo, naranasan ko na.) Napakapraktikal nito. Ang pagiging praktikal ng gawain ng Diyos ay kabaligtaran ng mga guni-guni, malabong pananaw ng tao, kaya kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na nasa loob mo na guni-guni, o walang kabuluhan at di-praktikal, o walang batayan sa salita ng Diyos. Tama na pabulaanan mo na lamang ang lahat ng ito. Tiyak na tama ito at kailangan mong maranasan ito sa ganitong paraan. Gaano karaming bagay ang nilikha ng Diyos—ang Lumikha ng lahat ng bagay? Gaano dapat Siya karunong? Kung iniisip mo na ganap mo itong mararanasan at maaarok sa loob ng tatlo o limang taon, imposible iyon. Hindi mo ito maaarok kahit na habambuhay ang taglay mong karanasan. Kaya dapat magpakumbaba ka habang nararanasan mo ang mga salita ng Diyos; magsimula nang maliit, magmula sa mga detalye, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag naharap ka sa isang bagay na hindi mo maarok, pag-aralan mong patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan, nang hindi nababalisa o hindi nawawalan ng pasensya. Paano ba magagawang tumahimik ng isang tao sa harap ng Diyos? Ang puso mo ay dapat na manalangin at makipagbahaginan sa Kanya at, kung hindi mo magawang manahimik, maaari mong basahin at pag-isipan ang mga salita ng Diyos, o awitin ang mga himno ng mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay makakatulong para makamit ang resulta ng pagiging tahimik sa harap ng Diyos. Ang puso ng isang tao ay magiging tahimik kapag bumabalik ito sa harap ng Diyos; madarama niya na ang paggawa ng mga bagay o pagiging abala sa labas ay walang saysay, na wala namang makakamit. Hangga’t tahimik sila sa harap ng Diyos—nagbabasa man ng Kanyang mga salita, nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, o umaawit ng mga himno bilang pagpupuri sa Diyos—may makakamit ang espiritu nila at maliliwanagan, at madarama ng puso nila ang pangangalaga at kasiyahan. Unti-unti, makikita mo nang malinaw ang gawain ng Diyos, magagawa mong magpasakop sa Kanya, at makakamit mo ang katotohanan at buhay. Kung nais ng mga taong makamit ang katotohanan at makamit ang Diyos, kailangan nilang magsakripisyo, tiisin ang maraming pagdurusa, at gumugol ng panahon at lakas, danasin ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon. Saka lamang nila makakamit ang katotohanan at buhay, at lahat ng pagliligtas ng Diyos.

Oktubre 11, 2017

Sinundan: Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan

Sumunod: Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito