Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos
Ang dahilan kung bakit naiinggit ang lahat kay Job ngayon ay dahil mayroon siyang totoong pananampalataya. Ngunit nakapagbahaginan na ba kayo noon tungkol sa mga detalye ng kanyang mga karanasan at kung bakit nagawa niyang tunay na makapagpatotoo? Ano ang kanyang pang-araw-araw na buhay? Paano siya nakisama sa Diyos sa kanyang buhay? Sa kanyang bawat kilos, paano makikita ng isang tao na hinanap niya ang katotohanan, na nagpasakop siya sa Diyos at tinanggap ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos? Hindi ba’t tinutukoy ng mga bagay na ito ang mga detalye? (Oo.) Tinutukoy ng mga bagay na ito ang mga detalye ng pagsunod sa katotohanan, isang bagay na kulang sa mga tao ngayon. Ang alam lang ng mga tao ay ang sikat na kawikaan ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Mabibigkas nilang lahat ang pariralang ito, ngunit hindi malinaw sa kanila kung bakit talaga ito nasabi ni Job. Hindi naging ganoon kadali kay Job ang kilalang kawikaang ito—nangyari lamang ito pagkaraan ng isang buong buhay na karanasan. Sa kanyang buong buhay ng karanasan, nakita niya ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng kamay ng Diyos at ang mga gawa ng Diyos sa maraming bagay, at nakita niya na ang lahat ng kanyang kayamanan ay bigay ng Diyos. Isang araw, naglaho ang lahat ng bagay na iyon, at batid niya na inalis ng Diyos ang mga ito. Napagtanto ni Job na anuman ang ginawa ng Diyos, ang pangalan ng Diyos ay dapat pagpalain. Kung gayon, paano naabot ang ganitong konklusyon? Hindi ba’t nangangailangan ng proseso para maabot ang ganitong konklusyon? Kabilang dito ang landas na tinatahak ng mga tao ngayon habang hinahangad nila ang katotohanan, na siyang paraan upang matamo ang resultang ito, upang makamit ang mga pakinabang na ito. Hindi nakakamit ang mga pakinabang na ito sa loob lamang ng ilang araw, o kahit ilang taon; tinutukoy nito ang bawat aspeto at bawat detalye ng buhay ng mga tao.
Ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi sa pangalan lamang; siya ang huwarang kinatawan ng isang tapat na mananampalataya. Nanalangin siya sa Diyos sa lahat ng bagay. Kapag hindi siya mapalagay dahil sa pagkakatuwaan ng kanyang mga anak, nananalangin siya sa Diyos at ipinagkakatiwala niya ang mga ito sa Diyos; talagang madalas niyang ipanalangin kung paano palalakihin ang kanyang mga alagang-hayop. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa mga kamay ng Diyos. Kung siya ay naging tulad ng isang walang pananampalataya, na palaging nagpaplano at nagkukwenta ng pagpapalaki ng kanyang mga alagang-hayop ayon sa kalooban ng tao, nang umaasa lamang sa kanyang sariling pag-iisip at imahinasyon at nag-iisip nang maigi upang makamit ang mga pinlano niyang mithiin, kung gayon, kahit pa nakaranas siya ng maraming kabiguan at dagok, magagawa ba niyang makita ang mga kamay ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi siya madalas na nanalangin sa Diyos, hindi sana niya naranasan ang mga pagpapala ng Diyos; madalas sana siyang naging negatibo at mahina tulad ng isang ordinaryong mananampalataya, at baka lumitaw sa kanya ang isang mapanlabang kalooban. “Palaging sinasabi ng tao na mayroong Diyos. Naniniwala ako sa Diyos, ngunit hindi ako pinagpapala ng Diyos ayon sa aking mga plano! Sinasamba ko ang Diyos at naghahandog ng mga alay araw-araw. Kung may Diyos, ang Kanyang mga pagpapala ay dapat na mas higit kaysa sa puwede kong hingin o isipin. Bakit hindi ko pa nakakamit ang ganyang mithiin? Mahirap sabihin kung mayroon nga ba talagang Diyos o wala.” Kinuwestiyon niya sana ang pag-iral ng Diyos, na isang negatibong epekto. Sabihin pa, hindi niya sana nakita ang kamay ng Diyos o ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos. Dagdag pa rito, nagreklamo sana siya laban sa Diyos, at nagkaroon sana siya ng mga di-pagkaunawa, pagkasuklam, at paghihimagsik laban sa Diyos. Kung susundin ng mga taong naniniwala sa Diyos ang kanilang kagustuhan, laging naghahanap ng mga pagpapala, kung gayon, sa huli ay masasabi nila ito tulad ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova”? Ang ganitong uri ba ng karanasang kaalaman ay lilitaw sa kanila? (Hindi.) Talagang hindi. Bakit hindi? Saan nagmumula ang problemang ito? (Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o naghahangad mula sa Diyos; sa halip, nilulutas nila ang mga bagay gamit ang mga pamamaraan ng tao.) Bakit labis na nag-iisip ang mga tao gamit ang kanilang pamamaraan upang makamit ang kanilang mga mithiin sa halip na umasa sa Diyos? Kapag sila ay nagpaplano, hinahanap ba nila ang mga pagnanais ng Diyos? Mayroon ba silang nagpapasakop na pag-uugali, sinasabing, “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng Diyos. Gagawin ko muna ang planong ito, ang pagkukwentang ito, ngunit hindi ko alam kung makakamit ba ng planong ito o hindi ang aking mithiin; isa lamang itong plano. Kung makakamit nito ang aking mithiin, isa itong pagpapalang mula sa Diyos. Kung hindi, ito ay dahil sa aking sariling pagbubulag-bulagan; ang aking plano ay hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos”? Mayroon ba silang ganitong uri ng pag-uugali? (Wala.) Kung gayon, paano lumilitaw ang ganitong mga pagkilos? Ang mga ito ay guniguni at haka-haka ng tao, pagnanasa ng tao, di-makatwirang hinihingi sa Diyos; nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon. Ito ay isang aspekto. Dagdag rito, ang mga ganitong tao ba ay may pusong nagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Paano mo nakikita na wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos? (Nakakaramdam sila ng labis na pangangailangang makamit ang mga planong ginawa nila.) Anong disposisyon ito? Ito ay pagmamataas at paghihimagsik. Naniniwala silang pinagpapala sila ng Diyos, ngunit kapag mayroon silang mga sarili nilang pagnanasa at pagkukwenta, isinasantabi nila ang Diyos; ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Nagpapasakop ba sila kapag isinasantabi nila ang Diyos? Hindi, at wala sa kanilang puso ang Diyos. Hindi talaga nila isinasaalang-alang kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Diyos sa mga bagay, lalo na kung paano Niya nais gawin ang mga bagay. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ano ang makikita mula rito? Hindi sila naghahanap ng kahit ano, ni hindi sila nagpapasakop, at ni walang pusong may takot sa Diyos. Gumagawa muna sila ng mga sariling plano, at pagkatapos ay kumikilos at nagtatrabaho silang mabuti ayon sa kanilang mga plano, umaasa sa mga pamamaraan ng tao, guniguni, at haka-haka nang hindi man lamang iniisip ang mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pagpapalaki ng mga alagang hayop, dapat malaman kahit papaano ng mga tao sa kanilang puso na “kailangang subukan ng mga tao ang kanilang makakaya na gawin, ang nararapat na gawin at magpasakop sa kalooban ng Langit,” na ang ibig sabihin ay: “Tutuparin ko ang aking mga responsabilidad na pakainin ang aking mga alagang-hayop, hindi ko sila hahayaang magkulang sa nutrisyon, o manigas sa lamig, o magutom, o magkasakit. Ang bilang ng kanilang magiging supling sa susunod na taon ay nasa mga kamay na ng Diyos; hindi ko ito alam, hindi ko ito hinihingi, at hindi ako gagawa ng mga plano. Nasa sa Diyos na ang lahat ng bagay na ito.” Kung pinipilit nilang umasa sa mga haka-haka at guniguni ng tao upang kumilos, mayroon ba silang pag-uugaling nagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Alin sa dalawang pagkilos na ito ang nagmumula sa kalooban ng tao, at alin ang nagpapasakop sa Diyos? (Ang una ay nagmumula sa kalooban ng tao, at siyang pamamaraan ng mga hindi mananampalataya; ang ikalawang pamamaraan ay nagmumula sa mga tapat na naniniwala sa Diyos at naghahanap sa katotohanan.) Lahat sila ay naniniwala sa Diyos, at ginagawa nilang lahat ang parehong bagay, ngunit ang motibo, pinagmumulan, at mithiin ng kanilang mga pagkilos, pati na ang kanilang mga prinsipyo, ay magkakaiba. Kaya naman, ang landas na tinatahak ng mga tao ay makikita. Wala bang pagkakaiba? Ang diwa ng mga hindi mananampalataya ay ang diwa ng mga walang pananampalataya. Ano ang mga pinagmumulan at mithiin ng kanilang mga pagkilos? Ang lahat ay para lamang sa kanilang sariling interes, na pakinabang ang una nilang iniisip, kaya naman sa kanilang mga kilos, tanging sa sarili nilang kalooban sila umaasa. Bakit ko sinasabing umaasa sila sa kanilang sariling kalooban? Ganap silang gumagawa ng mga sarili nilang plano pagkatapos na mag-isip nang mabuti. Hindi sila pabigla-bigla o nagbubulag-bulagan; sa halip, mayroon silang mga intensyon at mithiin. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ganap silang kumikilos ayon sa kanilang pagpapasya. Walang iba pang gumagawa ng mga plano para sa kanila, ni walang kahit sino na nag-aatas sa kanilang kumilos sa ganitong paraan. Sila mismo ay determinadong kumilos alinsunod sa kanilang mga sariling plano, kaya’t umaasa sila sa kanilang sariling kalooban. Pagkatapos, ayon sa kanilang mga sariling plano, nag-iisip sila nang mabuti at kumikilos, anuman ang kapalit, para lang mapagbigyan ang kanilang mga sariling pagnanais at makamit ang mga mithiin ng mga planong iyon. Habang kumikilos sila, mayroon din silang malabong ideya na: “Naniniwala ako sa Diyos, kaya tiyak na pagpapalain Niya ako.” Hindi ba’t nakakahiya ito? Sa anong batayan ka pagpapalain ng Diyos? Paano mo malalaman na pagpapalain ka ng Diyos? Gagawin ba ng Diyos ang mga bagay dahil sa iyong mga determinasyon? Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang ideya? Kung naniniwala kang tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, katumbas ba iyon ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Ngunit maraming taong nalilito rito. Sinasabi nila: “Naniniwala ako na pagpapalain ako ng Diyos, naniniwala akong poprotektahan Niya ang lahat ng mayroon ako, naniniwala ako na tutuparin Niya ang aking hangarin!” Iniisip nila na ito ay isang nagpapasakop na pag-uugali sa Diyos. Hindi ba’t ito ay isang kamalian? Hindi lamang ito isang kamalian, ito rin ay paghihimagsik at kalapastanganan laban sa Diyos. Ang paniniwalang pagpapalain ka ng Diyos ay hindi nangangahulugang nagpapasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos—dalawang magkaibang bagay ang mga ito. Sa pagsasabi nito, ganap kang nakokontrol ng iyong mapagmataas na kalikasan, at ang pagsasabi nito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.
Ano ang diwa ng pag-uugaling mapanghimagsik sa Diyos na Aking ibinahagi? Suriin ang ugat ng usapin na ito. Mayroon bang anumang pagsasagawa ng katotohanan rito? Anumang pagpapasakop? May lugar ba ang Diyos sa kanilang puso? May puso ba silang may takot sa Diyos? (Wala.) Sinasabi ninyong lahat na wala, kaya para maging tiyak, sa anong mga paraan nagpapakita ang mga bagay na ito? Dapat ninyo itong ihambing sa inyong sarili, at alamin kung paano ito hihimayin. Kung alam mo kung paano ito hihimayin, malalaman mo kung paano huhusgahan ang kalagayan na nasa iyong kalooban, at malalaman mo kung paano husgahan kung naaayon ba o hindi ang iyong pagsasagawa sa mga prinsipyo, at kung nagsasagawa ka ba ng katotohanan o hindi. Unang-una, kung nagpaplano muna ang mga tao nang hindi naghahanap ng katotohanan, mayroon bang pagpapasakop dito? (Wala.) Bilang walang pagpapasakop, paano dapat na magsagawa ang isang tao upang maging masunurin? (Hanapin muna ang mga pagnanais ng Diyos.) Sa maraming bagay, hindi malinaw na ipinakikita sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga pagnanais, kaya’t paano mo matitiyak na isinasagawa mo ang katotohanan? (Dapat tayong umasa sa panalangin sa Diyos upang makatiyak.) Kung nagdarasal ka ng ilang beses at hindi mo pa rin nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, ano ngayon ang iyong gagawin? Huwag kang magbulag-bulagan. Una, tingnan mo kung ang pagkilos sa ganitong paraan ay kinakailangan o hindi, kung ang mga pagkilos ba na ito ay bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos o hindi, kung ang mga kondisyon ba upang kumilos sa ganitong paraan ay natutugunan o hindi, at kung makakamit mo ba o hindi ang iyong plano. Kung hindi mo ito nakakamit, ngunit patuloy ka pa ring sumusunod sa planong ito, hindi ba’t nangangahulugan iyon na ito ay hindi isang makatwirang pamamaraan? Kung makatotohanan man o hindi ang iyong mga plano at ideya ay mahalagang malaman. Sa loob-loob mo, “Gagawin ko muna ang planong ito, at kung pagpapalain ako ng Diyos, marahil ay magkakaroon ako ng higit pa kaysa rito!” Mayroon kang mentalidad na umaasa sa suwerte, at pagkatapos ay umaasa ka naman sa iyong sariling kalooban at sinusubukang kumapit sa iyong paniniwala; matayog ang iyong mga ambisyon at hangarin, at kapwa ka mapagmataas at mabangis. Palaging may mga paglihis ang mga plano at determinasyon ng tao, at ito ay mga bagay na hindi nila dapat isinasagawa. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o mga layunin ng Diyos, magiging wasto ba ang kanilang mga plano at determinasyon? Maaari ba silang umayon sa mga layunin ng Diyos? Hindi ito isang tiyak na bagay sapagkat maraming bagay na hindi nauunawaan ng tao, na hindi nila mapagpasyahan; ang mga determinasyon at plano ng mga tao ay pawang guniguni, sapantaha at paghusga lamang. Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi nakikita na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang mga ito ay pinangangasiwaan at isinasaayos Niya. Dapat mong makita kung ano ang ginagawa ng mga kamay ng Diyos, at kung ano ang Kanyang mga layunin, at anong gawain ang kasalukuyan Niyang isinasagawa sa tao. Kung ang iyong mga plano at pagpapasya ay sumasalungat sa gawain na gustong gawin ng Diyos, o kabaligtaran ito ng mga pagnanais ng Diyos, ano ang magiging resulta? Tiyak na mabibigo ang iyong mga plano. Mula sa usapin na ito, dapat mong malinaw na makita na hindi dapat nagpaplano ang mga tao—ang pagpaplano mismo ay isang kamalian. Kaya paano dapat magsagawa nang tama ang mga tao? Dapat silang matutong tanggapin ang mga bagay-bagay, hindi sila dapat bulag na kumilos o magplano sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga problema ang maaaring dumating sa kalagitnaan. Ang mga hindi inaasahang sitwasyon na ito ay nasa plano ba ng mga tao? Tiyak na wala, kaya’t ang mga plano ng mga tao ay mga guniguni lamang ng tao, mga walang kabuluhang bagay, at mga impraktikalidad. Kaya’t ano ang dapat gawin ng mga tao? Sa isang punto, dapat silang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, at hindi sila dapat gumawa ng mga sarili nilang plano; sa kabilang banda, dapat din nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin, nang hindi pabasta-basta. Tungkol naman sa kung matutupad mo ba o hindi ang mga bagay na iyong plinano at tinukoy, iyan ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaaring kaunti lamang ang iyong pinaplano, ngunit binibigyan ka ng Diyos ng marami; maaaring marami kang pinaplano, ngunit kaunti lamang ang iyong natatanggap. Pagkatapos mong pagdaanan ang mga gayong karaming parehong karanasan, mapagtatanto mo na walang nagbabago batay sa kalooban o mga plano ng tao. Nakadepende ang lahat sa kung paano nagsasaayos at may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga bagay; ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Sa patuloy na pagkakaroon ng mga karanasan sa ganitong paraan, mababatid ng mga tao na ang Diyos ang totoong kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kapag napatunayan mo ang katotohanang ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat sa iyong puso, makakamit mo na ang katotohanan, na siyang natatamo sa karanasan. Kung minsan, maaaring mukhang napakainam ng mga plano mo, ngunit may mga di-inaasahang bagay na maaaring mangyari anumang sandali; hindi mo maiisip ang maraming kakaibang bagay na maaaring mangyari, na lagpas sa iyong mga guniguni at mga plano sa lahat ng paraan. Maraming bagay ang magpapadama sa iyo na nahuli kang hindi handa, at hindi mo alam kung nasaan ang mga kamalian sa iyong mga plano, kung magtatagumpay o mabibigo ba ang mga ito, at kung ano ang magagawa ng tao at hindi. Hindi mo namamalayan, nararamdaman mong napakaraming bagay na hindi kayang hulaan ng mga tao, na nasa labas ng iyong mga plano at guniguni. Sa ganitong pagkakataon, anong konklusyon ang napagtanto mo? (Na ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.) Sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat, mayroong isang detalye: Kung walang ibinibigay sa iyo ang Diyos, gaano mo man ito pagkaabalahan, paghirapan, o pagsikapan, wala itong silbi. Kapag pinagpapala ka ng Diyos, maayos ang takbo ng lahat kung gayon, walang sagabal, at walang sinumang makahahadlang sa iyo. Matatanto mo na sa bagay na ito, ang Diyos ang may huling salita, na malinaw na malinaw na nakikita ng Diyos ang lahat ng iyong plano, at ang bagay na ito ay ganap na nasa Kanyang mga kamay. Sa ganitong karanasan, magsisimula nang magkaroon ng tamang kabatiran at kaalaman ang iyong puso tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang hindi mo namamalayan. Anong kabatiran at kaalaman? Ang Diyos ang Siyang nagkakaloob nito sa iyo. Kung gusto itong alisin ng Diyos, hindi mahalaga kung gaano ka pa nagpapasakop sa Diyos o kung gaano mo kakilala ang Diyos—kung kailangan Niyang alisin ito, gagawin Niya ito. Ang lahat ay nasa Kanyang mga kamay, ang lahat ay pauna Niyang itinalaga, at ang lahat ay isinaayos Niya. Wala ka dapat sariling pagpili. Sa puntong ito, ang iyo bang mga plano, kalkulasyon, at personal na mithiin ay patuloy pa ring nangingibabaw sa iyong puso? Hindi na. Ang mga plano at kalkulasyong ito ng tao ay mababawasan nang hindi namamalayan, at susukuan mo ang mga ito. Paano napapalitan ang mga bagay na ito? Ang maranasan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay katumbas ng pagkakita sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Bagama’t hindi sinasabi ng Diyos kung bakit Niya inalis ang mga bagay na ito mula sa iyo, mauunawaan mo pa rin ito nang hindi namamalayan. Kapag pinagpapala ka ng Diyos ng isang bagay, pinagpapala ka ng maraming yaman, hindi Niya sinasabi sa iyo kung bakit Niya ginagawa ito; ngunit sa iyong puso, nararamdaman at alam mo na ito ay isang pagpapala mula sa Diyos, hindi isang bagay na maaaring makuha ng isang tao. Isang araw, may ilang bagay na aalisin, at malinaw mong mababatid sa iyong puso na ito ay nagmula sa Diyos. Kapag malinaw mong nababatid ang lahat ng ito, hindi mo ba mararamdaman na ginagabayan ka ng Diyos sa bawat hakbang na ginagawa mo, sa bawat araw na nabubuhay ka, at sa bawat taon na dumaraan? Habang ginagabayan ka ng Diyos, mararamdaman mo nang hindi namamalayan na nakakaharap mo Siya, na nakakaugnayan mo Siya bawat araw, na araw-araw, may bago kang kaalaman, at bawat taon, may maganda kang ani. Hindi mo namamalayan na ang pagkaunawa mo sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos ay mas lalo pang lalago. Kapag may karanasan ka na sa ganitong antas, hindi ba’t may puwang na sa iyong puso ang Diyos? Kapag may puwang ang Diyos sa iyong puso, mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon, mayroon bang anumang ibang bagay, kaisipan, o teorya na makapanlilihis, makalilito, o makapagtutulak sa iyo na iwan ang Diyos? Imposible ito. Sa pagkakaroon lamang ng totoong kaalaman sa Diyos, kung nag-ugat na ang katotohanan sa iyong puso, saka makapananahan ang Diyos sa iyong puso magpakailanman. Kung hindi nag-ugat ang katotohanan sa iyong puso, makapananatili ba nang matagal ang Diyos sa iyong puso? Tiyak na hindi, dahil magagawang lumayo ng iyong puso sa Diyos at ipagkanulo Siya anumang sandali. Kung palaging ginagamit ng mga tao ang kanilang guniguni, haka-haka, plano, kalkulasyon, at pagnanasa upang pangasiwaan ang kanilang buhay, makakamit ba nila ang kaalamang ito ng Diyos? (Hindi.) Kaya, upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos tulad ni Job, ang iyong landas ng karanasan at pagsasagawa ay dapat tama. Kung may mga paglihis sa iyong landas ng pagsasagawa, gaano man kadakila ang iyong pananampalataya o kalooban, wala itong silbi; gaano man katayog ang iyong mga ambisyon, wala itong silbi. Sa maraming pangyayari sa buhay, ang mga pamamaraan ng pagsasagawa ng mga tao ay may mga paglihis. Mula sa labas, mukhang kayang magdusa nang husto ng mga tao at magbayad nang malaking halaga, na tila ba may mataas silang paninindigan, at tila ba nag-aalab ang kanilang mga puso; ngunit bakit pagkatapos ng ilang naipong karanasan, sa huli ay hindi nila nakakamit ang karanasang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Ito ay dahil may mga paglihis ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, at palaging nangunguna ang kanilang pansariling kamalayan, mga haka-haka at guniguni, gayundin ang kanilang mga plano. Nangunguna ang mga bagay na ito, kaya’t nagtatago Mismo ang Diyos sa kanila. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan.” Ano ang tinutukoy ng “lupain ng karumihan”? Tinutukoy nito ang iba’t ibang paghahangad, plano, at determinasyon—kahit ang kanilang mabubuting intensiyon at ang mga balak na iniisip nilang tama. Hinahadlangan ng mga bagay na ito ang Diyos mula sa pagsasagawa sa iyo, at ang mga ito ay tila pader sa iyong harapan, na ganap kang sinasarhan upang hindi mo makita o maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi mo nakikita o nararanasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, malalaman mo ba ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? (Hindi.) Hindi mo kailanman malalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.
Tingnan natin ang saloobin ni Job pagdating sa kanyang mga anak. May takot si Job kay Jehova, ngunit hindi mananampalataya sa Diyos ang kanyang mga anak—hindi ba’t iisipin ng mga tagalabas na ito ay labis na nakakahiya para kay Job? Alinsunod sa mga kuru-kuro ng tao, si Job ay mula sa isang dakilang pamilya, at may takot siya sa Diyos na si Jehova, ngunit hindi mananampalataya sa Diyos ang kanyang mga anak, kaya’t walang paggalang sa kanya. Hindi ba’t ang ideyang ito ng pagiging kagalang-galang ay nagmula sa kalooban ng tao, mula sa pagiging mainitin ang ulo ng mga tao? Maaaring isipin ng mga tao: “Hindi talaga ito kagalang-galang. Dapat akong mag-isip ng isang paraan upang mapanalig sila sa Diyos, at mabawi ko ang aking pagiging kagalang-galang.” Hindi ba’t ito ay bunga ng kalooban ng tao? Ito ba ang ginawa ni Job? (Hindi.) Paano ito nakatala sa Bibliya? (Ipinag-alay at ipinagdasal sila ni Job.) Ipinag-alay at ipinagdasal lamang sila ni Job. Anong klase ng saloobin ito? Nakikita ba ninyo ang mga prinsipyong isinasagawa ni Job? Hindi natin alam kung humadlang o nanghimasok ba o hindi si Job sa kasayahan ng kanyang mga anak, ngunit tiyak na hindi siya nakisali—nag-alay lamang siya para sa kanila. Kahit kailan ba ay nanalangin siya na sinabing: “Diyos na Jehova, antigin Mo sila, pasampalatayain Mo sila sa Iyo, hayaan Mong matamo nila ang Iyong biyaya, at magkaroon sila ng takot sa Iyo at iwasan ang kasamaan na tulad ng ginagawa ko”? Kahit kailan ba ay nanalangin siya nang ganito? Walang ganitong tala sa Bibliya. Ang ginawang pagkilos ni Job ay ang lumayo sa kanila, mag-alay para sa kanila, at mag-alala sa kanila, para maiwasang magkasala sila sa Diyos na si Jehova. Isinagawa ni Job ang mga bagay na ito. Ano-ano ang mga prinsipyo ng kanyang pagsasagawa? Hindi siya nag-atas sa kanila. Gusto nga ba ni Job na manalig sa Diyos ang kanyang mga anak o hindi? Siyempre gusto niya. Bilang isang amang nananalig sa Diyos, ang makitang kumakapit ang kanyang mga anak sa mundo sa ganitong paraan, nang walang masigasig na pananalig sa Diyos, ay lubos na magpapalungkot sa kanya. Tiyak na gusto niyang dumulog sa Diyos ang kanyang mga anak, na mag-alay sila na tulad niya, na magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi ito isang usapin ng pagiging kagalang-galang, responsabilidad ito ng isang magulang. Ngunit pinili ng kanyang mga anak na huwag manalig, at bilang ama, hindi niya ito iginiit sa kanila. Ito ang kanyang saloobin. Kaya’t ano ang kanyang ginawa? Kinaladkad ba niya sila nang nagpupumiglas, o sinubok silang hikayatin? (Hindi.) Talagang hindi. Pinakamatindi na siguro iyong paminsan-minsan siyang nagsasabi ng ilang salita ng paghimok, at nang hindi makinig ang kanyang mga anak, sinukuan niya ito. Sinabihan niya sila na huwag gumawa ng anumang masyadong bawal, at pagkatapos ay humiwalay siya sa kanila, nagtakda ng isang malinaw na hangganan, at nagkaroon ng kanya-kanyang buhay ang bawat isa. Nag-alay si Job para sa kanila sa takot na masalungat nila ang Diyos na si Jehova; hindi siya nag-alay para sa kanila, ginawa niya ito dahil may puso siyang may takot sa Diyos. Walang iginiit si Job sa kanila, at hindi rin niya sila kinaladkad nang nagpupumiglas, ni sinabi niyang: “Ito ang aking mga anak, at dapat ko silang pasampalatayain sa Diyos, upang makakuha ng ilan pang tao ang Diyos.” Hindi niya ito sinabi, ni nagkaroon siya ng gayong plano o kalkulasyon, ni kumilos siya sa ganitong paraan. Alam niya na ang pagkilos sa ganitong paraan ay nagmumula sa kalooban ng tao, na hindi nais ng Diyos. Hinikayat lamang ni Job ang kanyang mga anak, at ipinagdasal sila, ngunit hindi niya sila pinilit o kinaladkad nang nagpupumiglas, at nagtakda pa nga siya ng hangganan. Ito ang pagiging makatwiran ni Job, at isa ring prinsipyo ng pagsasagawa: Huwag umasa sa kalooban o mabubuting intensiyon ng tao na gumawa ng anumang sasalungat sa Diyos. Dagdag pa, hindi sila nanalig sa Diyos, at hindi sila inantig ng Diyos. Naunawaan ni Job ang layunin ng Diyos: “Hindi nagsagawa ang Diyos sa kanila, kaya’t hindi ako mananalangin para sa kanila. Wala akong hihinging anuman sa Diyos, at ayokong salungatin ang Diyos sa bagay na ito.” Hinding-hindi siya luhaang magdarasal o mag-aayuno upang mailigtas ang kanyang mga anak, upang dumulog sila sa harap ng Diyos na si Jehova at sila ay pagpalain. Hinding-hindi siya kikilos sa ganitong paraan; alam niya na ang pagkilos sa ganitong paraan ay sasalungat sa Diyos, at na hindi ito magugustuhan ng Diyos. Ano ang nakikita ninyo mula sa mga detalyeng ito? Taos-puso ba ang pagpapasakop ni Job? (Oo.) Makakamtan ba ng karaniwang tao ang ganitong uri ng pagpapasakop? Hindi ito makakamtan ng karaniwang tao. Ang mga anak ang pinakamamahal na yaman ng kanilang mga magulang, kaya’t kapag nagsasaya sila sa ganitong paraan, ang makita silang sumusunod sa masasamang kalakaran, hindi dumudulog sa Diyos, at nawawalan ng pagkakataong manalig sa Diyos at mailigtas—at baka lumubog pa nga sa perdisyon at malipol—masyado itong mahirap na pagsubok sa damdamin para malampasan ng karaniwang tao. Ngunit nagawa ito ni Job. Isang bagay lamang ang ginawa niya, ang mag-alay para sa kanila, at mag-alala sa kanyang kalooban. Iyon lamang. Ang kanyang mga anak ang pinakamamahal niyang kaanak, ngunit wala siyang ginawang anumang dagdag para sa kanila na sasalungat sa Diyos. Ano ang naiisip ninyo sa ganitong prinsipyo ng pagsasagawa ni Job? Ipinapakita nito na mayroon siyang pusong may takot sa Diyos at tunay siyang nagpasakop sa Kanya. Pagdating sa mga usapin na tungkol sa kinabukasan ng kanyang mga anak, hindi siya talaga nanalangin, o kaya ay gumawa ng anumang pagkilos na ayon sa kalooban ng tao; ipinadala lamang niya ang kanyang mga katulong upang gumawa ng ilang bagay, at hindi siya mismo ang pumunta. Ang dahilan kung bakit hindi siya nakisali sa kasayahang ito ay dahil ayaw niyang mahawahan ng mga bagay na ito, at dagdag pa, ayaw niyang mapahalo sa kanila. Kung makikihalo siya sa kanila, masasalungat niya ang Diyos, kaya’t lumayo siya sa masasamang lugar. Mayroon bang mga partikular na detalye sa pagsasagawa ni Job? Pag-usapan muna natin kung paano niya tinrato ang kanyang mga anak. Ang layunin niya ay ang magpasakop sa mga pangangasiwa at pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay; hindi siya nagtangka na ipagpilitan ang mga bagay na hindi ginawa ng Diyos, ni gumawa ng anumang mga plano o kalkulasyon batay sa kalooban ng tao. Sa lahat ng bagay, nakinig at naghintay siya sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos. Ito ay isang pangkalahatang prinsipyo. Ano-ano ang mga detalyadong pamamaraan ng pagsasagawa? (Hindi siya nakisali nang magsaya ang kanyang mga anak. Lumayo siya sa kanila at naghandog ng sinunog na alay para sa kanila, ngunit hindi niya iginiit na manalig sila sa Diyos, ni kinaladkad silang nagpupumiglas at nagsusumigaw, at nagtakda siya ng malinaw na hangganan sa kanila.) Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Paano nagsasagawa ang karaniwang tao kapag nahaharap sila sa bagay na ito? (Ipinagdarasal nila sa Diyos na manalig ang kanilang mga anak sa Kanya.) Ano pa? Kapag hindi iyan ginawa ng Diyos, kinakaladkad nila papunta sa simbahan ang kanilang mga anak, nang sa gayon ay pagpalain ang kanilang mga anak. Nakikita nila na natamo na nila ang malaking biyaya ng pagpasok sa kaharian ng langit at ang kanilang mga anak ay hindi pa, kaya’t nakakaramdam sila ng sakit at panghihinayang sa kanilang kalooban. Ayaw nilang mawalan ng biyaya ang kanilang mga anak, kaya’t nag-iisip sila nang maigi, sinusubukang makahanap ng paraan upang mahila papunta sa simbahan ang kanilang mga anak, iniisip na katumbas ito ng katuparan ng kanilang mga responsabilidad bilang magulang. Wala talaga silang pakialam kung nagagawa ba o hindi ng kanilang mga anak ang paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Hindi ginawa ni Job ang bagay na ito, ngunit hindi ito kayang gawin ng karaniwang tao. Bakit hindi? (Mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Kumikilos sila batay sa kanilang mga damdamin.) Karamihan sa mga tao ay walang konsiderasyon sa kung ang ganito bang pagkilos ay sumasalungat sa Diyos o hindi. Ang kanilang prayoridad ay mapasaya ang kanilang mga sarili, masunod ang kanilang mga damdamin, at mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanasa. Wala silang konsiderasyon kung paanong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga bagay-bagay at kung paano isinasaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay, kung ano ang ginagawa ng Diyos o kung ano ang Kanyang mga layunin. Binibigyan lamang nila ng konsiderasyon ang kanilang mga sariling pagnanasa, ang kanilang mga sariling damdamin, ang kanilang mga intensiyon, at ang kanilang mga benepisyo. Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Gayunpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manalig sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananalig sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? Sabi niya, “Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.” Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng tahasang pamimilit ng isang tao na unahin ang kanyang kagustuhan. Noong ayaw tahakin ng mga anak ni Job ang parehong landas na kanyang tinahak, ito ang kanyang saloobin; kaya’t nang mamatay ang kanyang mga anak, ano ang kanyang naging saloobin? Umiyak ba siya o hindi? Inilabas ba niya ang kanyang mga nararamdaman? Nasaktan ba siya? Walang tala ang Bibliya sa alinman sa mga bagay na ito. Nang makita ni Job na namatay ang kanyang mga anak, nagdalamhati o nalungkot ba siya? (Oo.) Sa kanyang pagsasalita hinggil sa pagmamahal na nadarama sa kanyang mga anak, tiyak na bahagya siyang nakadama ng kalungkutan, ngunit nagpasakop pa rin siya sa Diyos. Paano ipinahayag ang kanyang pagpapasakop? Sinabi niyang: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga anak na ito. Nanalig man sila sa Diyos o hindi, nasa mga kamay ng Diyos ang kanilang buhay. Kung nanalig sila sa Diyos, at ibig silang alisin ng Diyos, gagawin pa rin Niya ito; kung hindi sila nanalig sa Diyos, aalisin pa rin sila kapag sinabi ng Diyos na sila ay aalisin. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos; kung hindi, sinong may kayang mag-alis ng buhay ng mga tao?” Sa madaling salita, ano ba ang ibig sabihin nito? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinanatili niya ang ganitong saloobin sa kanyang pagtrato sa kanyang mga anak. Buhay man sila o patay, ipinagpatuloy niya ang ganitong saloobin. Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop.
Hindi nagtutuon ng pansin ang ilang tao sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay umaasa sila sa kanilang sariling kalooban upang kumilos. Ano ang pinakakaraniwang pagpapamalas na nakikita sa isang taong may matitinding personal na ideya? Anuman ang mangyari sa kanila, kinakalkula muna nila ang mga bagay sa kanilang isip, pinag-iisipan ang lahat ng bagay na puwede nilang isipin, lumilikha ng isang detalyadong plano. Kapag pakiramdam nila ay wala itong mga butas, lubusan silang nagsasagawa alinsunod sa kanilang sariling kalooban, ang nagiging resulta, hindi makaagapay ang kanilang plano sa mga pagbabago, kaya kung minsan ay nagkakamali sa mga bagay. Ano ang problema rito? Madalas na namamali ang mga bagay kapag kumikilos kayo ayon sa inyong sariling kalooban. Kaya, anuman ang mangyari, dapat maupo ang bawat isa at sama-samang hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, hingin ang Kanyang patnubay. Sa kaliwanagan ng Diyos, ang mga bagay na lumilitaw sa kanilang pagbabahaginan ay puno ng liwanag, at nagbibigay ng daan pasulong. Dagdag pa rito, sa pagkakatiwala ng mga bagay sa Diyos, pagrespeto sa Kanya, pag-asa sa Kanya, pagpayag na akayin ka Niya, at pagpayag na alagaan at bantayan ka Niya—sa pagsasagawa sa ganitong paraan—magkakaroon ka ng higit na katiyakan, at hindi ka makatatagpo ng anumang malalaking problema. Ang mga bagay ba na iniisip ng mga tao ay kayang ganap na umayon sa mga katunayan? Kaya bang umayon ng mga ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay imposible. Kung hindi ka umaasa at humihingi ng tulong sa Diyos kapag gumaganap ka ng iyong tungkulin, at ginagawa mo lang kung ano ang nais mo, kahit gaano ka pa katalino, may mga pagkakataon pa ring mabibigo ka. Malamang na susundin ng mga taong mayayabang at mapagmagaling ang kanilang mga sariling ideya, kung gayon, may puso ba silang may takot sa Diyos? Ang mga taong may kapit-na-kapit na personal na ideya ay nalilimutan ang Diyos kapag oras na para kumilos, nalilimutan nilang magpasakop sa Diyos; kapag wala na silang ibang magagawa at nabigo silang magawa ang anuman, saka lamang nila naiisip na hindi sila nagpasakop sa Diyos, at hindi sila nagdasal sa Diyos. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng Diyos sa mga puso nila. Ipinapahiwatig ng kanilang mga kilos na wala ang Diyos sa kanilang mga puso, na ang lahat ay nagmumula sa kanilang sarili. Kaya, gumagawa ka man ng gawain ng iglesia, gumaganap ng tungkulin, nag-aasikaso ng ilang gawain sa labas, o humaharap ng mga bagay-bagay sa personal mong buhay, dapat may mga prinsipyo sa iyong puso, dapat may kalagayan. Anong kalagayan? “Kahit ano pa ito, bago pa may mangyari sa akin dapat akong manalangin, dapat akong magpasakop sa Diyos, at dapat akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ay isinasaayos ng Diyos, at kapag nangyari ang bagay na iyon, dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos, dapat akong magkaroon ng ganitong pag-iisip, hindi ako dapat gumawa ng sarili kong mga plano.” Pagkatapos maranasan ito sa loob ng ilang panahon, makikita ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa maraming bagay. Kung lagi kang may sariling mga plano, isinasaalang-alang, ninanais, makasariling motibo, at hangarin, hindi sinasadyang lilihis palayo sa Diyos ang iyong puso, magiging bulag ka sa kung paano kumikilos ang Diyos, at kadalasan ay matatago ang Diyos sa iyo. Hindi ba’t gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya? Hindi ka ba gumagawa ng sarili mong mga plano? Akala mo ay may utak ka, edukado ka, marunong, mayroon kang kaparaanan at pamamaraan para gawin ang mga bagay-bagay, kaya mong gawin ang mga ito nang mag-isa, mahusay ka, hindi mo kailangan ang Diyos, kaya naman sinasabi ng Diyos, “Sige at gawin mo ito nang mag-isa, at ikaw ang managot kung maging maayos man o hindi ang kalabasan nito, wala Akong pakialam.” Hindi ka iintindihin ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga tao ang sarili nilang kagustuhan sa ganitong paraan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at naniniwala sa kung paanong paraan nila gusto, ano ang kahihinatnan? Hindi nila kailanman magagawang maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman mararamdaman ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang patnubay ng Diyos. At ano ang mangyayari sa paglipas ng panahon? Lalong lalayo ang puso nila sa Diyos, at magkakaroon ng mga sunud-sunod na epekto. Anong mga epekto? (Pagdududa at pagtatatwa sa Diyos.) Hindi lang ito kaso ng pagdududa at pagtatatwa sa Diyos; kapag walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, at ginagawa nila kung ano ang maibigan nila sa loob ng mahabang panahon, makakasanayan nila ito: Kapag may nangyari sa kanila, ang unang gagawin nila ay mag-isip ng sarili nilang solusyon at kumilos ayon sa sarili nilang mga layunin, mithiin at plano; isasaalang-alang muna nila kung magiging kapaki-pakinabang ba ito sa kanila; kung oo, gagawin nila ito, at kung hindi naman, hindi nila ito gagawin. Makakasanayan nilang dumiretso sa pagtahak sa landas na ito. At paano tatratuhin ng Diyos ang gayong mga tao kung patuloy silang kikilos nang ganoon, nang walang pagsisisi? Hindi sila iintindihin ng Diyos, at isasantabi sila. Ano ang ibig sabihin ng maisantabi? Hindi sila didisiplinahin o sisisihin ng Diyos; patuloy silang magiging mapagbigay sa sarili, walang paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, o pagsaway, at lalong walang kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay. Ito ang ibig sabihin ng maisantabi. Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag isinasantabi siya ng Diyos? Nagdidilim ang kanyang espiritu, hindi niya kasama ang Diyos, hindi siya sigurado sa mga pangitain, wala siyang landas ng pagkilos, at humaharap lamang siya sa mga hangal na bagay. Habang lumilipas ang panahon sa ganitong paraan, iniisip niya na walang kahulugan ang buhay, at hungkag ang kanyang mga espiritu, kaya’t katulad siya ng mga walang pananampalataya, at palala siya nang palala. Ito ay isang taong itinaboy ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Bakit lalo kong nararamdaman na ang pagtupad sa aking tungkulin ay walang kabuluhan, na pabawas nang pabawas ang aking lakas? Paanong nangyari na wala akong motibasyon? Saan napunta ang aking motibasyon?” Mayroong ibang nagsasabi: “Paanong nangyari na habang tumatagal akong nananalig, mas lalo kong naiisip na nabawasan ang aking pananalig kaysa noong ako ay nagsisimula? Nang magsimula akong manalig, partikular kong ikinasiya na makaharap ang Diyos, kaya’t paanong nangyari na wala na akong maramdaman na kasiyahan?” Saan napunta ang damdaming iyon? Nagtago na sa iyo ang Diyos kaya hindi mo Siya nararamdaman; kaya naging kaawa-awa ka at lanta. Gaano ka naging lanta? Naging malabo sa iyo ang mga pangitain ng gawain ng Diyos, walang laman ang iyong puso, at lumalabas ang iyong hamak at kahabag-habag na kaanyuan. Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Kapag iniwan ng Diyos ang isang tao, ito ay nagiging walang alam at hangal, at wala itong kahit ano. Ito ang kahabag-habag na kaanyuan ng mga taong tinalikdan ang Diyos! Sa puntong ito, hindi na nila iniisip na mabuting manalig sa Diyos. Gaano man nila ito pag-isipan, hindi nila naiisip na ang pananalig sa Diyos ang tamang daan. Ayon sa kanila, walang kahahantungan ang daang ito, at hindi sila maglalakad dito kahit pa sino ang magpayo sa kanila. Hindi sila makapagpatuloy manalig, kaya’t kailangan nilang tumakbo sa mundo; para sa kanila, ang pagkita ng salapi at pagkamit ng kayamanan ang tangi nilang pagpipilian, ang pinakamakatotohanang landas. Naghahangad sila ng mga pagtaas sa ranggo at kayamanan, kaligayahan at kasiyahan, pagbibigay-pugay sa kanilang mga ninuno, at mabilis na pagsulong sa propesyon; punong-puno ang kanilang puso ng mga bagay na ito, kaya’t magagawa pa ba nila ang kanilang tungkulin? Hindi na. Kung ang isang tao ay ganitong mga bagay lang ang iniisip, ngunit may kaunti pa ring tunay na pananalig, at handa siyang ipagpatuloy ito, ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa kanya? Hangga’t nagagawa niyang magtrabaho, bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos; hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa bawat tao. Bakit ganoon? Hindi nabubuhay na nakahiwalay ang mga tao, at wala kahit isa na hindi tiwali. Sino riyan ang walang mga ideya ng paglaban sa Diyos? Sino riyan ang hindi nakagawa ng mga pagsalangsang sa paglaban sa Diyos? Sino riyan ang walang mga kalagayan at pag-uugali ng paghihimagsik laban sa Diyos? Bukod pa riyan, sino riyan ang hindi nagkaroon ng mga ideya, kaisipan, o kalagayan ng di-pananalig, pagdududa, di-pagkaunawa, o sapantaha tungkol sa Diyos? Mayroon ang lahat. Kaya paano tinatrato ng Diyos ang mga tao? Ikinaliligalig ba Niya ang mga bagay na ito? Hindi kailanman. Ano ang ginagawa ng Diyos? Ang ilang tao ay laging may mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos. Iniisip nila, “Hangga’t nananalig sa Diyos ang isang tao, palagi Niya itong ilalantad, hahatulan, kakastiguhin, at pupungusan. Hindi Niya pinakakawalan ang mga tao, at hindi Niya sila binibigyan ng kalayaang pumili.” Ganoon ba iyon? (Hindi.) Ang mga taong nananalig sa Diyos at pumupunta sa Kanyang sambahayan ay malayang ginagawa ito; walang isa man sa kanila ang pinilit. Nawalan ng pananalig ang ilang tao; nagpakasasa sila sa mga makamundong bagay, at walang sinumang humahadlang sa kanila o nag-aatubiling makita silang umalis. Sa kapwa pagkakaroon ng pananalig sa Diyos at pagtalikod sa pananalig, malaya sila. Dagdag pa rito, hindi pinipilit ng Diyos ang sinuman. Anuman ang Kanyang mga hinihingi sa tao, hinahayaan Niya silang pumili ng daan na gusto nilang tahakin, at wala Siyang pinipilit na kahit sino. Paano pa man gumagawa ang Banal na Espiritu, o kung paano Niya ginagabayan ang mga tao at pinamumunuan ang mga ito na basahin ang mga salita ng Diyos, walang sinuman ang pinilit ng Diyos kahit kailan. Lagi Siyang nagpapahayag ng katotohanan upang maglaan at magpastol sa tao, palaging nagbabahagi ng tungkol sa katotohanan upang malutas ang mga problema, at hayaan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan. Ano ang layunin sa likod ng pagpayag na maunawaan ng mga tao ang katotohanan? (Upang matanggap nila ang katotohanan.) Kung tatanggapin mo ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, may tayog kang mapaglabanan ang mga mapanghimagsik at mga tiwaling disposisyong ito, ang mga pananaw ng mga hindi mananampalataya, at ang lahat ng uri ng mga maling kalagayan; kapag kaya mong makilatis ang mga kalagayang ito, hindi ka maililihis. Sa oras na maunawaan ng isang tao ang lahat ng uri ng katotohanan, hindi siya magkakamali sa pag-unawa sa Diyos, at mauunawaan niya ang mga layunin ng Diyos. Sa isang banda, mahusay niyang nagagawa ang tungkulin ng isang nilalang; dagdag pa rito, nabubuhay siyang may wangis ng isang tao, at nagagawa niyang tahakin ang wastong landas ng buhay. Kapag ang isang tao ay tinatahak ang wastong landas ng buhay, nagtataglay ng patotoo na dapat mayroon ang isang nilalang, nagagawang talunin si Satanas kalaunan, nakararanas ng pagbabago ng disposisyon, may totoong pagpapasakop at takot sa Diyos, at nagiging isang katanggap-tanggap na nilalang, kung gayon, nakamit na ng gayong tao ang kaligtasan, na siyang pangwakas na layon.
Setyembre 29, 2017