Kabanata 63
Dapat mong unawain ang iyong sariling kalagayan at, higit pa rito, maging malinaw tungkol sa landas na kailangan mong tahakin; huwag nang hintayin pa na sabihin Ko at ituro sa iyo ang mga bagay. Ako ang Diyos na nagmamasid sa kaloob-looban ng puso ng tao, at alam Ko ang bawat saloobin at naiisip mo. Dagdag pa, nauunawaan Ko ang iyong mga kilos at pag-uugali—ngunit nakapaloob ba sa lahat ng ito ang Aking pangako? Taglay ba ng lahat ng ito ang Aking kalooban? Talaga bang hinanap mo na ito noon? Gumugol ka na ba talaga ng anumang panahon para dito? Totoo bang may ginawa kang anumang pagsisikap? Hindi kita pinupuna; ipinagwalang-bahala lamang talaga ninyo ang aspetong ito! Lagi kayong naguguluhan at hindi kayo makakita nang malinaw ng anumang bagay. Alam mo ba kung ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi malinaw ang inyong mga saloobin at labis na matatag na nakabaon ang inyong mga kuru-kuro; dagdag pa rito, wala kayong ipinakikitang pagsasaalang-alang sa Aking kalooban. Sasabihin ng ilang tao: “Paano Mo nasasabi na hindi kami nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa Iyong kalooban? Patuloy naming sinusubukan na maunawaan ang Iyong kalooban, ngunit hindi kami kailanman nagtatagumpay—kaya ano ang dapat naming gawin? Masasabi Mo ba talaga na wala kaming ginagawang pagsisikap?” Hayaan mong itanong Ko ito sa iyo: Mangangahas ka bang sabihin na tunay kang tapat sa Akin? At sino ang mangangahas na magsabi na iniaalay nila ang kanilang sarili sa Akin nang may lubos na katapatan? Nangangamba Ako na wala kahit isa sa inyo ang makakapagsabi nito sapagkat, hindi Ko man sabihin, bawat isa sa inyo ay may mga sariling pagpipilian, mga sariling kagustuhan, at higit pa nga rito, mga sariling layunin. Huwag maging mapanlinlang! Matagal Ko nang natamo ang isang ganap na pagkaunawa sa lahat ng inyong pinakamalalim na mga saloobin. Kailangan Ko pa ba itong linawin? Dapat kang higit na magsuri mula sa bawat aspeto (ang iyong mga saloobin at kaisipan, ang lahat ng iyong sinasabi, bawat salita, bawat layunin at motibasyon sa likod ng bawat kilos na iyong ginagawa); sa ganitong paraan, makakamit mo ang pagpasok sa bawat aspeto. Higit pa rito, magagawa mong sangkapan ang iyong sarili ng buong katotohanan.
Kung hindi Ko sinabi sa inyo ang ganoong mga bagay, mananatili pa rin kayong naguguluhan, nagnanasa ng mga makamundong kasiyahan buong araw at walang anumang pagnanais na pakitaan ng anumang pagsasaalang-alang ang Aking kalooban. Patuloy Kong ginagamit ang Aking mapagmahal na kamay upang iligtas kayo. Alam ba ninyo iyon? Napagtanto na ba ninyo ito? Taos-puso Akong nagmamahal sa iyo. Mangangahas ka bang sabihin na taos-pusong kang nagmamahal sa Akin? Itanong mo ito nang madalas sa iyong sarili: Tunay bang nagagawa mong lumapit sa Akin upang ipasakop ang bawat kilos mo sa Aking pagsusuri? Tunay bang hahayaan mo Akong siyasatin ang bawat kilos mo? Sinasabi Kong mahalay kang nabubuhay, at kaagad mong ipinagtatanggol ang iyong sarili. Dumarating sa iyo ang Aking paghatol; ngayon ay dapat ka nang magising sa katotohanan! Ang lahat ng Aking sinasabi ay ang katotohanan; itinuturo ng Aking mga salita ang tunay na kalagayang nakapaloob sa iyo. Ah, sangkatauhan! Napakahirap mong pakitunguhan. Tanging kapag itinuturo Ko ang iyong tunay na kalagayan ay saka lamang ninyo tinatanggap nang buong puso ang Aking sinasabi. Kung hindi Ko ito ginawa, lagi kayong hahawak nang mahigpit sa inyong mga kaisipang nilipasan na sa panahon at mangungunyapit sa inyong mga paraan ng pag-iisip, ipinapalagay na walang higit na matalino sa mundo kaysa sa inyo. Hindi ba’t nagmamagaling ka lamang sa bagay na ito? Hindi ba’t nagpapakasawa ka sa kasiyahang pansarili at pagkakampante, at pagiging mayabang at palalo? Dapat mo na itong malaman ngayon! Hindi mo dapat isipin na matalino ka o katangi-tangi; sa halip, dapat ay lagi kang may kamalayan sa iyong mga kakulangan at kahinaan. Sa ganitong paraan, hindi manghihina ang iyong paninindigan na mahalin Ako, sa halip ay lalakas ito nang lalakas, at patuloy na bubuti ang iyong sariling kalagayan. Higit na mas mahalaga rito ay patuloy na susulong ang iyong buhay sa bawat araw.
Kapag naunawaan mo na ang Aking kalooban, makikilala mo ang iyong sarili, at dahil dito ay makapagtatamo ng higit na mabuting pagkaunawa sa Akin at patuloy na susulong ang iyong katiyakan tungkol sa Akin. Sa kasalukuyan, kung ang sinuman ay hindi kayang magkamit ng siyamnapung porsiyentong katiyakan tungkol sa Akin, bagkus ay nagbabagong mabilis, pabago-bago ang isip, kung gayon ay sasabihin Ko na ang taong iyon ay ang tiyak na iwawaksi. Ang natitirang sampung porsiyento ay nakasalalay sa Aking pagbibigay-kaliwanagan at pagtanglaw; sa pamamagitan ng mga ito, makakamit ng mga tao ang isandaang porsiyentong katiyakan tungkol sa Akin. Ngayon mismo—ibig sabihin ay sa araw na ito—ilan ang maaaring magkamit ng ganitong uri ng tayog? Patuloy Kong inihahayag sa iyo ang Aking kalooban, at patuloy na dumadaloy sa kaibuturan mo ang mga pakiramdam ng buhay. Kung gayon, bakit hindi ka kumikilos nang ayon sa Espiritu? Takot ka bang magkamali? Kung gayon, bakit hindi ka makapagbigay ng anumang tuon sa pagsasanay? Sinasabi Ko sa iyo na hindi mauunawaan ng mga tao ang Aking kalooban sa pamamagitan lamang ng pagsubok ng isa o dalawang ulit; kailangan nilang sumailalim sa isang proseso. Maraming ulit Ko na itong naituro, kaya’t bakit hindi mo ito maisagawa? Hindi mo ba naiisip na nagiging hindi ka masunurin? Nais mong dagling tapusin ang lahat at hindi kailanman nahahandang magsikap o gumugol ng oras sa anumang bagay. Napakahangal mo, at higit pa rito, napakamangmang mo!
Hindi ba ninyo nababatid na lagi Akong nagsasalita tungkol sa mga bagay nang hindi nagpapaliguy-ligoy sa Aking mga salita? Bakit patuloy kayong nagiging mahina, manhid at mapurol ang isip? Dapat ninyong higit na siyasatin ang inyong mga sarili, at dapat ninyong dalasan ang paglapit sa Akin kung mayroon man kayong hindi nauunawaan. Sinasabi Ko ito sa iyo: Ang layunin ng pagsasalita Ko nang ganito o sa ganyang paraan ay upang akayin kayo sa Aking harap. Sa tinagal-tagal, bakit hindi pa rin ninyo ito napagtatanto? Dahil ba ganap kayong nalilito sa Aking mga salita? O ito ba ay dahil hindi ninyo siniseryoso ang bawat isa sa Aking mga salita? Kapag binabasa ninyo ang mga ito, nagtatamo kayo ng mabuting kaalaman tungkol sa inyong mga sarili, at nasasabi ninyo ang mga bagay tulad ng may utang na loob kayo sa Akin at hindi ninyo nauunawaan ang Aking kalooban. Pero paano naman pagkatapos nito? Tila ba wala ka namang pakialam sa mga bagay na ito; tila ba isang tao kang hindi naman naniniwala sa Diyos. Hindi ba’t nilulunok mo lamang ang impormasyon nang hindi binibigyan ang iyong sarili ng panahon upang matunawan? Kapag nasisiyahan ka sa Aking mga salita, ito ay tulad sa mabilisang pagsulyap lamang sa mga bulaklak habang nakasakay ka sa kabayong tumatakbo nang matulin; hindi ninyo talaga sinusubukan kailanman na unawain mula sa Aking mga salita kung ano ang Aking kalooban. Ganito ang mga tao: Palagi nilang gusto na magmistulang mapagpakumbaba. Ganyan ang mga pinakakasuklam-suklam na uri ng tao. Kapag nagtitipun-tipon sila upang makisalamuha sa iba, laging ibig nilang ibahagi ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang mga sarili sa harap ng ibang tao, ipinakikita sa iba na sila ang may pagsasaalang-alang sa Aking pasanin—gayong sa katunayan, sila ang pinakatanga sa mga hangal. (Hindi nila ibinabahagi sa kanilang mga kapatid ang tunay na mga pananaw o kaalaman tungkol sa Akin; sa halip, itinatanghal lamang nila ang kanilang sarili at nagyayabang sa harap ng ibang tao; kinamumuhian Ko sa lahat ang ganitong mga tao, dahil sinisiraan at minamaliit nila Ako.)
Madalas Kong ipinamamalas sa inyo ang Aking mga pinakadakilang himala. Hindi ba ninyo nakikita ang mga ito? Ang tinatawag na “realidad” ay isinasabuhay ng mga tapat na nagmamahal sa Akin. Hindi ba ninyo ito nakita? Hindi ba’t ito ang pinakamabuting patunay upang makilala ninyo Ako? Hindi ba ito higit na nagpapatotoo sa Akin? Ngunit hindi ninyo ito nakikilala. Sabihin ninyo sa Akin: Sino ang kayang isabuhay ang realidad sa walang kaayusang mundong ito na napakadumi, napakadungis at ginawang tiwali ni Satanas? Hindi ba’t ang lahat ng tao ay tiwali at hungkag? Sa ano’t anuman, naabot na ng Aking mga salita ang kanilang rurok; wala nang mga salita ang higit na madaling maunawaan kaysa sa mga ito. Kahit na ang isang tanga ay mababasa ang Aking mga salita at mauunawaan ang mga ito—kaya’t hindi ba’t hindi lamang kayo sapat na nagsumikap?