Kabanata 64

Hindi mo dapat unawain ang Aking mga salita sa isang baluktot at nakakapanlinlang na paraan; dapat mo silang unawain mula sa lahat ng aspeto at subukang maarok ang mga iyon at isiping mabuti nang paulit-ulit—hindi lamang sa loob ng isang araw o isang gabi. Hindi mo alam kung saan naroon ang Aking kalooban o kung sa anong aspeto Ako nagbayad ng napakalaking halaga; paano ka magpapakita ng konsiderasyon para sa Aking kalooban? Ganito kayong mga tao—hindi ninyo talaga kayang maging detalyado, kayo’y tumututok lamang sa mababaw at ang kaya lamang ay manggaya. Paano ito matatawag na kabanalan? Ito ay simpleng kasigasigan lamang ng tao; ito ay isang bagay na hindi Ko pinupuri at higit pa rito, ito’y isang bagay na Aking kinamumuhian. Ito ang masasabi Ko sa iyo, lahat ng bagay na Aking kinamumuhian ay dapat na maalis, dapat na magdusa sa kalamidad, at mamatay sa Aking pagsunog at paghatol. Kung hindi gayon, hindi malalaman ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng pagiging takot at madidismaya sila, na lagi Akong nakikita gamit ang matang pantao—napakamangmang nila! Ang maging malapit sa Akin at ang pakikipagtalastasan sa Akin ang pinakamainam na paraan upang alisin sa inyong mga sarili ang mga kaisipan ni Satanas. Nais Kong kayong lahat ay kumilos nang naaayon sa panuntunang ito upang maiwasan ninyong mahatulan at magdusa ng kawalan sa inyong buhay.

Ang mga tao ay napakahirap pakitunguhan, laging nasa ilalim ng kontrol ng ibang mga tao, kaganapan, at bagay-bagay at maging ng sarili nilang mga kuru-kuro. Dahil dito, hindi nila kayang magbigay ng mabuting patotoo para sa Akin at hindi nila kayang makipagtulungan nang mabuti sa Akin. Palagi Ko kayong sinusuportahan at pinagyayaman, ngunit hindi ninyo talaga kayang gawin ang lahat ng inyong makakaya upang makipagtulungan sa Akin. Inihahayag lamang nang husto ng lahat ng bagay na ito ang kakulangan ng inyong pagkaunawa sa Akin. Kapag dumating ang panahon kung kailan wala ka nang anumang mga pag-aalinlangan tungkol sa Akin, walang sinumang makahahadlang sa iyo na lumakad sa tunay na daan, at walang mga kuru-kuro ng tao ang maghahari sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Talaga bang nauunawaan mo ang kahulugan ng Aking mga salita? Nagkakaroon lamang kayo ng kaunting pang-unawa kapag nililinaw Ko ang mga salitang tulad nito. Sadyang napakatanga at napakahina ng ulo ng mga tao. Nagsisimula lamang silang makaramdam ng kaunting sakit kapag tumusok na ang karayom sa buto. Ibig sabihin, naniniwala ka lamang nang lubusan kapag tinutukoy ng Aking mga salita ang pinanggagalingan ng iyong karamdaman. Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi pa rin kayo handang isagawa ang Aking mga salita o kilalanin ang inyong sarili. Sa puntong ito, bakit hindi pa rin ninyo nadarama kung gaano kahirap pakitunguhan ang mga tao? Ito ba ay dahil hindi ganap na halata o malinaw ang Aking mga salita? Ang nais Ko ay makipagtulungan kayo sa Akin nang masigasig at taos-puso; makapagsalita ka man o hindi ng mga salitang kasiya-siya sa pandinig, basta’t handa kang makipagtulungan sa Akin at makasasamba sa Akin nang taos-puso, malalagay ka sa ilalim ng Aking pangangalaga. Kahit na ang ganitong uri ng tao ay napakamangmang, bibigyan Ko sila ng kaliwanagan upang kanilang maiwaksi ang kanilang kamangmangan. Ito ay dahil ang Aking mga pagkilos ay nararapat lang na naaayon sa Aking mga salita; Ako ang Makapangyarihang Diyos na hindi kailanman nangangako nang hindi Niya kayang tuparin.

Agad Kong ibubunyag ang Aking kalooban sa lahat ng mga iglesia at lahat ng mga panganay na anak, at wala nang anumang muling maitatago kailanman, dahil dumating na ang araw kung saan ang lahat ay mabubunyag. Ibig sabihin ang salitang “naitatago” ay hindi na gagamitin muli mula ngayon, lalong hindi na iiral ang anumang nakatago. Lahat ng itinagong mga tao, mga pangyayari, at mga bagay-bagay ay tiyak na ilalantad isa-isa. Ako ang Diyos na gumagamit ng buong awtoridad. Lahat ng pangyayari, lahat ng bagay, at bawat isang tao ay hawak sa loob ng Aking mga kamay. Gumagawa Ako ng sarili Kong mga hakbang upang ilantad sila, at isa-isa Ko silang ilalantad, sa maayos na pamamaraan. Ang sinumang maglakas-loob na dayain Ako o subukang magtago ng anumang bagay mula sa Akin, titiyakin Kong hindi na sila kailanman babangon muli. Kikilos Ako sa ganitong pamamaraan upang ang lahat ng ito ay maliwanag na makikita ninyo. Tingnan ninyo nang mabuti! Ang malaking halaga na Aking binayaran ay hindi nasayang; ito ay magbubunga. Ang sinumang hindi nakikinig o sumusunod ay agad-agad na makararanas ng Aking paghatol. Sino pa ang maglalakas-loob na lumaban sa Akin? Lahat kayo ay dapat na sumunod sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo, lahat ng Aking sinasabi at ginagawa, at bawat galaw, ideya, kaisipan, at disenyo na mayroon Ako ngayon ay lubos na tamang lahat, at ang mga ito ay walang iniiwang puwang sa tao para sa anumang karagdagang pagsasaalang-alang. Bakit Ko sinasabi sa inyo nang paulit-ulit na kailangan lamang ninyong sumunod at hindi na ninyo ito kailangang pag-isipan pa? Ito ay dahil dito. Kailangan pa ba ninyo na linawin Ko pa ito?

Ang inyong mga kuru-kuro ay may kapangyarihan na sa inyo, ngunit gayunman hindi ninyo iniisip na ito ay dahil kayo mismo sa inyong mga sarili ay hindi nagsikap nang sapat. Sa halip ay tumitingin kayo sa Akin para sa mga sanhi, at sinasabi na hindi Ko kayo naliwanagan. Anong uri ng pagsasalita ito? Kayo mismo ay hindi umaako ng inyong mga pananagutan at lagi kayong nagrereklamo sa Akin. Binabalaan kita! Kung magpapatuloy ka sa ganitong pamamaraan, patuloy na hindi nagbabayad ng anumang halaga, ikaw ay itatapon! Hindi Ako nagsasalita sa mapagmalaking paraan buong araw upang takutin kayo. Ito talaga ay isang katotohanan: ginagawa Ko ang sinasabi Ko. Pagkalabas na pagkalabas ng mga salita sa Aking bibig, kaagad na nagsisimulang matupad ang mga iyon. Noong una, ang mga salita na Aking binitiwan ay dahan-dahang natupad; subalit ngayon, iba na ang mga bagay-bagay at hindi na mangyayari nang dahan-dahan. Upang ipahayag ito ng malinaw, hindi na Ako namumuwersa at nakikiusap; sa halip ay inuudyukan at pinipilit Ko kayo habang sumusulong. Upang maipahayag pa ito nang mas malinaw, ang mga makasasabay ay gagawin ito, samantalang ang mga hindi makasasabay at hindi makasusulong ay aalisin. Sa nakalipas, nagsalita Ako sa inyo nang matiyaga sa lahat ng posibleng pamamaraan, ngunit hindi talaga kayo nakinig. Ngayon na ang gawain ay nagpatuloy na hanggang sa yugtong ito, ano ang gagawin ninyo? Ipagpapatuloy pa rin ba ninyo na magpakasasa sa inyong mga sarili? Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi maaaring gawing kumpleto, ngunit tiyak na aalisin Ko sila!

Sinundan: Kabanata 63

Sumunod: Kabanata 65

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito