Kabanata 61
Kapag may kamalayan ka tungkol sa iyong sariling kalagayan, matutupad mo ang Aking kalooban. Sa katunayan, ang Aking kalooban ay hindi mahirap unawain; hindi ka lamang kailanman naghanap noong nakaraan nang naaayon sa Aking mga hangarin. Hindi Ko ninanais ang mga kuru-kuro o kaisipan ng mga tao, lalo na ang iyong pera o iyong mga ari-arian. Ang nais Ko ay ang iyong puso. Nauunawaan mo ba? Ito ang Aking kalooban; higit pa rito, ito ang nais Kong makuha. Palaging ginagamit ng mga tao ang mga sarili nilang kuru-kuro upang hatulan Ako at ginagamit ang kanilang pamantayan upang tayahin ang Aking tayog. Sa mga tao, ito ang pinakamahirap na bagay na pakitunguhan, at ito ang kinasusuklaman at kinamumuhian Ko nang higit sa lahat. Nakikita mo na ba? Ito ay dahil ito ang pinakakitang-kitang disposisyon ni Satanas. Bukod pa roon, ang inyong tayog ay napakaliit kaya malimit kayong mahulog sa mga tusong pakana ni Satanas. Sadyang hindi ninyo kayang makilala ang mga iyon! Maraming ulit Ko nang sinabi sa inyo na maging maingat sa lahat ng sandali at sa lahat ng aspeto, upang hindi kayo malinlang ni Satanas. Ngunit hindi kayo nakikinig at sa halip ay basta na lamang ipinagwawalang-bahala ang Aking sinasabi. Bilang bunga, nauuwi kayo na magdusa ng mga kawalan sa buhay, at pagkatapos ay masyado nang huli para magsisi. Hindi ba’t magiging napakagandang ideya na ituring ninyo itong isang aral para sa inyong paghahanap sa hinaharap? Sinasabi Ko sa iyo! Ang pagiging negatibo agad ay magdudulot ng napakatitinding kawalan sa iyong buhay. Ngayong alam mo na ito, hindi ba’t oras na para gumising ka?
Gusto ng mga tao ng agarang mga resulta, at nakikita lamang nila kung ano ang nasa harapan nila. Kapag sinasabi Kong sinimulan Ko nang parusahan ang mga nasa kapangyarihan, lalo kayong nababahala, at inyong itinatanong: “Bakit nasa kapangyarihan pa rin ang mga taong iyon? Hindi ba ito nangangahulugang hungkag ang mga salita ng Diyos?” Masyado nang nakabaon ang mga kuru-kuro ng tao! Hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng Aking sinasabi. Ang Aking pinarurusahan ay ang masasama, ang mga lumalaban sa Akin, at ang mga hindi nakakikilala sa Akin, at hindi Ko pinapansin ang mga naniniwala lamang sa Akin ngunit hindi hinahanap ang katotohanan. Talagang napakamangmang ninyo! Hindi ninyo naunawaan ni isang butil ng Aking sinabi! Gayunman, pinupuri pa rin ninyo ang inyong mga sarili, iniisip na lumago na kayo, na nauunawaan ninyo ang mga bagay-bagay, at na kaya ninyong unawain ang Aking kalooban. Malimit Kong sinasabi na ang lahat ng bagay at nilalang ay naglilingkod kay Cristo, ngunit tunay mo bang nauunawaan ang mga salitang ito? Talaga bang alam mo ang ibig sabihin ng mga ito? Sinabi Ko na dati na hindi Ko pinarurusahan ang sinuman nang padalus-dalos. Bawat isang tao sa mundo ng sansinukob ay sumusunod sa Aking mga wastong pagsasaayos. Ang mga pakay ng Aking kaparusahan, ang mga gumawa ng serbisyo kay Cristo (na hindi Ko ililigtas), ang mga pinili Ko, at ang mga pinili Ko ngunit pagkatapos ay palalayasin—lahat ng ito ay hawak Ko sa Aking mga kamay, bukod pa sa iyo, na isa sa Aking mga pinili, na nauunawaan Ko nang higit pa. Ang lahat ng ginagawa Ko sa yugtong ito at sa susunod ay alinsunod lahat sa Aking matatalinong pagsasaayos. Hindi mo kailangang magsaayos ng anuman para sa Akin nang pauna; maghintay ka lamang at magtamasa! Ito ay isang bagay na karapat-dapat sa iyo. Aking pinangingibabawan ang pag-aari Ko at hindi Ko basta pinalalampas ang nangangahas na magreklamo o magkaroon ng iba pang palagay tungkol sa Akin. Malimit Akong magsiklab sa galit ngayong mga araw na ito, dahil ang programa ng mga atas administratibo na Aking isinaayos ay dumating na sa yugtong ito. Huwag mong ipagpalagay na wala Akong pakiramdam. Dahil, gaya ng sinabi Ko na dati, walang bagay, tao, o pangyayari ang nangangahas na hadlangan ang Aking mga hakbang pasulong. Ginagawa Ko kung ano ang Aking sinasabi, at ganito kung ano Ako; higit pa riyan, ito ang pinakakitang-kitang pagpapamalas ng Aking disposisyon. Pinakikitunguhan Ko ang lahat ng tao nang parehas, dahil kayong lahat ay Aking mga anak, at mahal Ko ang bawat isa sa inyo. Sinong ama ang hindi inaako ang pananagutan para sa buhay ng kanyang anak? Sinong ama ang hindi nagsisipag araw at gabi para sa kinabukasan ng kanyang anak? Sino sa inyo ang nakaaalam nito? Sinong makapagpapakita ng konsiderasyon sa Aking puso? Palagi kayong gumagawa ng mga plano at mga pagsasaayos para sa sarili ninyong mga makalamang kasiyahan at wala kayong anumang natatanto tungkol sa Aking puso. Nadudurog ang Aking puso sa pag-aalala sa inyo, subalit palagi kayong nagnanais ng mga makalamang kasiyahan, ng pagkain at pag-inom, pagtulog, at mga kasuotan. Wala ba kayo ni katiting na konsensya? Kung ganoon, mga halimaw lamang kayo na nakadamit-pantao. Ang sinasabi Ko ay hindi labis at dapat kaya ninyong tiisin ang mga salitang ito. Ito ang pinakamabuting paraan upang iligtas kayo, at, higit pa riyan, narito ang Aking karunungan: Patamaan ang nakapagpapabagsak na kahinaan ni Satanas, lupigin ito nang lubusan, at iwan itong ganap na nawasak. Hangga’t nagsisisi ka at tinitiyak mong umaasa ka sa Akin upang alisin ang iyong lumang kalikasan at isabuhay ang larawan ng isang bagong tao, Ako ay lubusang masisiyahan, dahil ito ang kahulugan ng pagsasabuhay ng isang normal na pagkatao, at pagpapatotoo sa Aking pangalan. Wala nang ibang mas nagpapasaya sa Akin.
Dapat kang laging manatiling malapit sa Akin. Nakikita na ang Aking paglakad ay bumibilis bawat araw. Kung kulang ka sa espirituwal na pagbabahaginan kahit isang saglit lamang, agad na sasapit sa iyo ang Aking paghatol. Sa puntong ito ay nagtamo ka na ng malalim na pagkatanto. Kinakastigo kita hindi dahil sa hindi kita mahal; kundi, dinidisiplina kita dahil sa pagmamahal Ko sa iyo. Kung hindi ay hindi ka lalago at lagi ka na lamang magpapasasa nang walang pagpipigil ng Banal na Espiritu. Lalo nitong ipinakikita ang Aking karunungan.