Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan
Sipi 10
Maraming tao na sa sandaling naging abala sa kanilang tungkulin, ay nawawalan ng kakayahang makaranas, at hindi nagagawang manatili sa isang normal na kalagayan, at dahil dito, palagi silang humihiling ng pagtitipon, at na maibahagi sa kanila ang katotohanan. Ano ang nangyayari dito? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang pundasyon sa tunay na daan, kasigasigan ang nagtutulak sa gayong mga tao kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, at hindi nakakatiis nang matagal. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, walang prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Kung isinaayos na gumawa sila ng isang bagay, nagugulo nila iyon, wala silang ingat sa ginagawa nila, hindi sila naghahanap ng mga prinsipyo, at walang pagpapasakop sa kanilang puso—na nagpapatunay na hindi nila minamahal ang katotohanan at wala silang kakayahang danasin ang gawain ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, dapat mo munang unawain kung bakit mo iyon ginagawa, ano ang intensyong nagtutulak sa iyo na gawin iyon, ano ang kabuluhan ng paggawa mo nito, ano ang kalikasan ng bagay na ito, at kung positibo o negatibong bagay ba ang ginagawa mo. Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito; lubhang kinakailangan ito para makakilos ka nang may prinsipyo. Kung may ginagawa ka na makaklasipika bilang paggawa sa tungkulin mo, dapat mong pagnilayan ito: Paano ko dapat tuparin nang maayos ang tungkulin ko para hindi ko lang iyon ginagawa nang basta-basta? Dapat kang magdasal at lumapit sa Diyos sa bagay na ito. Ang pagdarasal sa Diyos ay upang hanapin ang katotohanan, ang paraan ng pagsasagawa, ang mga pagnanais ng Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdarasal ay upang makamit ang mga epektong ito. Ang pagdarasal sa Diyos, paglapit sa Diyos, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi mga seremonyang panrelihiyon o pagpapakita na kumikilos ka. Ginagawa ito para makapagsagawa alinsunod sa katotohanan matapos hanapin ang mga layunin ng Diyos. Kung lagi mong sinasabing “salamat sa Diyos” kahit na wala ka pa namang nagagawa, at maaaring mukha kang napakaespirituwal at may kabatiran, ngunit kung, pagdating ng oras para kumilos, ginagawa mo pa rin ang gusto mo, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan, ang “salamat sa Diyos” na ito ay wala nang iba kundi isang mantra, ito ay huwad na espirituwalidad. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, dapat mong isipin palagi: “Paano ko dapat gawin ang tungkuling ito? Ano ang mga pagnanais ng Diyos?” Nagdarasal sa Diyos at lumalapit sa Diyos upang mahanap ang mga prinsipyo at katotohanan para sa iyong mga kilos, hinahangad ang mga pagnanais ng Diyos sa puso mo, at hindi lumalayo sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa mo—ang taong ito lamang ang tunay na nananalig sa Diyos; ang lahat ng ito ay hindi kayang matamo ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.” Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa sa mga ordinaryong panahon; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagpapasakop sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?
Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, “Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kamumuhian o kasusuklaman ba Niya ito?” Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamumuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maarok ang mga layunin ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat kang makipagbahaginan sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi mo mahanap yaong mga nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na may dalisay na pagkaunawa na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop at magandang paraan ang solusyon, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa iyong pagsasagawa, kung matuklasan mo na hindi pa rin gaanong angkop ang paraan ng iyong pagsasagawa, kailangan mong itama iyon kaagad. Kung magkamali ka nang kaunti, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil tama ang mga layunin mo sa iyong ginagawa, at nagsasagawa ka ayon sa katotohanan. Medyo nalilito ka lang tungkol sa mga prinsipyo at nakagawa ng pagkakamali sa iyong pagsasagawa, na maaaring mapatawad. Ngunit kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ang mga iyon batay sa kung paano nila naiisip na dapat gawin ang mga iyon. Hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng pagninilay-nilay kung paano magsagawa ayon sa katotohanan o paano matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, iniisip lang nila kung paano sila makikinabang, paano sila titingalain ng iba, at paano sila hahangaan ng iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay na ganap na nakabatay sa kanilang sariling mga ideya at para lang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili, na kaligaligalig. Hinding-hindi gagawin ng gayong mga tao ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, at palagi silang kinasusuklaman ng Diyos. Kung talagang ikaw ay isang taong may konsensya at katwiran, anuman ang mangyari, dapat lumalapit ka sa Diyos para manalangin at maghanap, magawang seryosong suriin ang mga motibo at karumihan sa iyong mga kilos, magawang tukuyin kung ano ang tamang gawin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at paulit-ulit na timbangin at pagnilayan kung anong mga kilos ang nakasisiya sa Diyos, anong mga kilos ang nakasusuklam sa Diyos, at anong mga kilos ang nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Dapat mong pag-aralan nang paulit-ulit ang mga bagay na ito sa iyong isipan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang mga ito. Kung alam mo na mayroon kang sariling mga motibo sa paggawa ng isang bagay, dapat mong pagnilayan kung ano ang iyong mga motibo, kung iyon ba ay para mapalugod ang sarili mo o mapalugod ang Diyos, kung kapaki-pakinabang ba iyon sa sarili mo o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kung ano ang mga kahihinatnan nito…. Kung mas maghahanap ka at magninilay nang ganito sa iyong mga panalangin, at magtatanong sa sarili mo ng mas maraming tanong para hanapin ang katotohanan, liliit nang liliit ang mga paglihis sa iyong mga kilos. Tanging ang mga kayang maghanap ng katotohanan sa ganitong paraan ang mga taong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at may takot sa Diyos, dahil naghahanap ka alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos at nang may pusong nagpapasakop, at ang mga konklusyon na naaabot mo sa paghahanap sa ganitong paraan ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo.
Kung malayo sa katotohanan ang mga pagkilos ng isang mananampalataya, kung gayon kapareho siya ng isang walang pananampalataya. Ito ang uri ng taong wala ang Diyos sa kanyang puso, at lumilihis palayo sa Diyos, at ang gayong tao ay katulad ng isang bayarang manggagawa sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng maliliit na trabaho para sa kanyang amo, tumatanggap ng maliit na sahod, at pagkatapos ay umaalis. Hindi talaga ganito ang taong naniniwala sa Diyos. Ang unang bagay na dapat mong suriin at pagsikapan kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay ay kung ano ang gagawin upang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos; ito dapat ang prinsipyo at saklaw ng iyong mga kilos. Dapat mong tukuyin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa katotohanan dahil kung naaayon ito sa katotohanan, tiyak na nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Hindi naman sa dapat mong masukat kung tama o mali ang bagay na ito, o kung naaayon ito sa mga panlasa ng lahat ng iba pa, o kung naaayon ito sa sarili mong mga kagustuhan; sa halip, dapat mong tukuyin kung alinsunod ito sa katotohanan, at kung may pakinabang man ito sa gawain at mga interes ng iglesia o wala. Kung isasaalang-alang mo ang mga bagay na ito, mas lalo kang makakaayon sa mga layunin ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Kung hindi mo isasaalang-alang ang mga aspetong ito, at aasa ka lamang sa sarili mong kalooban kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, kung gayon garantisadong gagawin mo ang mga ito nang mali, dahil ang kalooban ng tao ay hindi ang katotohanan at, mangyari pa, hindi kaayon ng Diyos. Kung nais mong masang-ayunan ng Diyos, kailangan mong magsagawa ayon sa katotohanan sa halip na ayon sa sarili mong kalooban. Ang ilang tao ay abala sa ilang pribadong mga bagay alang-alang sa paggawa sa kanilang mga tungkulin. Ang tingin ng kanilang mga kapatid kung gayon ay hindi ito angkop, at sinusumbatan sila dahil dito, ngunit hindi tinatanggap ng mga taong ito ang paninisi. Ipinapalagay nila na ito ay isang personal na bagay na walang kinalaman sa gawain, pananalapi, o mga tao ng iglesia, at hindi ito paggawa ng masama, kaya naman hindi dapat makialam ang mga tao. Ang ilang bagay ay tila mga pribadong bagay para sa iyo na walang kinalaman sa anumang prinsipyo o katotohanan. Gayunman, kung titingnan ang ginawa mo, napakamakasarili mo. Hindi mo isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni kung magiging kasiya-siya ba ito sa Diyos; isinaalang-alang mo lamang ang sarili mong kapakinabangan. May kinalaman na ito sa kagandahang-asal ng mga banal, gayundin sa pagkatao ng isang tao. Kahit walang kinalaman ang ginagawa mo sa mga interes ng iglesia, ni wala itong kinalaman sa katotohanan, ang pagiging abala sa isang pribadong bagay habang sinasabi na isinasagawa mo ang iyong tungkulin ay hindi naaayon sa katotohanan. Anuman ang iyong ginagawa, gaano man kalaki o kaliit ang isang bagay, at kung tungkulin mo man ito sa pamilya ng Diyos o sarili mong pribadong gawain, kailangan mong isipin kung nakaayon ang ginagawa mo sa mga layunin ng Diyos, at kung ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong makatao. Kung ganito ang paghahanap mo ng katotohanan sa lahat ng ginagawa mo, isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos. Kung sineseryoso mo ang bawat bagay at bawat katotohanan sa ganitong paraan, magkakamit ka ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. May mga taong nag-iisip na, “Makatarungan namang ipasagawa sa akin ang katotohanan kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, pero kapag inaasikaso ko ang aking mga pribadong gawain, wala akong pakialam sa sinasabi ng katotohanan—gagawin ko ang gusto ko, anuman ang kailangang gawin para makinabang ako.” Sa mga salitang ito, nakikita mo na hindi nila minamahal ang katotohanan. Walang mga prinsipyo sa ginagawa nila. Gagawin nila ang anumang may pakinabang sa kanila, nang hindi man lang iniisip ang magiging epekto nito sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, kapag mayroon silang nagawang ilang bagay, wala ang presensya ng Diyos sa kanila, at nakadarama sila ng kadiliman at kalungkutan, at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Hindi ba ito ang parusang nararapat sa kanila? Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan sa iyong mga kilos at binibigyan mo ng kahihiyan ang Diyos, nagkakasala ka sa Kanya. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at madalas na kumikilos nang ayon sa sarili niyang kagustuhan, madalas siyang magkakasala sa Diyos. Itataboy siya ng Diyos, at isasantabi siya. Ang ginagawa ng gayong tao ay kadalasang nabibigong matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, at kung hindi siya magsisisi, nalalapit na ang parusa sa kanya.
Sipi 11
Para makagawa ng anumang bagay nang maayos, kinakailangang hanapin ang katotohanang prinsipyo. Dapat determinadong mag-isip ang isang tao kung paano gawin nang maayos ang isang bagay habang ginagawa ito, at kinakailangang patahimikin ang sarili upang manalangin at maghanap sa harap ng Diyos. Bago gumawa ng isang bagay, kinakailangang makipagbahaginan sa iba, at kung walang iba na makakabahaginan, dapat magnilay-nilay at magdasal nang mag-isa, at maghanap ng paraan para magawa nang maayos ang bagay na ito. Ganito ang pagpapatahimik ng sarili sa harapan ng Diyos. Hindi mo kailangang mag-isip nang wala para manahimik sa harapan ng Diyos; dapat kumilos ka at magnilay-nilay kasabay nito, hinahanap ang angkop na paraan para harapin ang usaping ito nang may saloobin ng paghahanap at paghihintay sa iyong puso. Kung wala kang katiting na ideya tungkol sa usaping ito, maghanap ka ng mapagtatanungan at mauusisa. Anong saloobin ang dapat taglay mo sa panahong ito ng pag-uusisa? Sa katunayan, dapat ay naghahanap at naghihintay ka, nagmamasid kung paano gumagawa ang Diyos. Ang Banal na Espiritu ay hindi nagbibigay-kaliwanagan at gumagabay sa iyo na para bang binubuksan Niya ang isang ilaw na tumatanglaw sa puso mo nang biglaan. Ang Diyos ay walang pagsalang ginagamit ang isang tao o isang pangyayari para udyukan ka, at magawa kang makaunawa. Maraming paraan ng paghahanap maliban sa matinding pagluhod para manalangin at manatili roon ng ilang oras; ang paggawa nito ay nakakapagpaantala sa lahat ng iba pang bagay. Kung minsan, puwedeng pag-isipan ng isang tao ang isang bagay habang naglalakad; kung minsan, kapag may usaping lumitaw, puwedeng magmadaling makipagbahaginan ang isang tao tungkol dito bilang isang grupo; kung minsan, puwedeng maghanap ang isang tao mula sa Itaas; kung minsan, puwedeng magbasa ang isang tao ng mga salita ng Diyos nang mag-isa; kung ang usapin ay apurahan, puwedeng magmadali ang isang tao na unawain ang realidad ng sitwasyon, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, pinangangasiwaan ang usapin ayon sa mga prinsipyo, habang nananalangin at naghahanap sa kanyang puso. Ganito ninyo dapat gawin ang mga bagay-bagay—ang paraan ng isang nasa tamang gulang! Kung kayo ay kakabahan, matataranta, at malulula sa tuwing may nangyayari, masyadong mababa ang tayog ninyo, wala pa kayong naranasang anuman noon, at kailangan ninyong danasin ang mga bagay-bagay at sanayin ang inyong sarili para tumaas ang inyong tayog. Dapat kayong matuto ng ilang paraan ng paghahanap: Kapag abala kayo sa tungkulin, maghanap kayo ayon sa kung gaano kayo kaabala; kapag may oras naman kayo, maghanap at maghintay kayo ayon sa mga sitwasyon ng pagkakaroon ng oras. May iba’t ibang paraan. Kung may sapat na oras para maghintay, maghintay kayo ng ilang sandali. Hindi ka puwedeng magmadali sa malalaking usapin; ang mga kahihinatnan ng pagkakamali dahil sa pagmamadali ay napakatindi. Para makamit ang pinakamagagandang resulta, kailangan mong maghintay, panoorin kung ano ang susunod na mangyayari, o tingnan kung hihimukin ka ng isang taong may kaalaman sa sitwasyon. Ang lahat ng ito ay mga paraan para maghanap. Hindi gumagamit ang Diyos ng iisang paraan para bigyang-liwanag ang mga tao; hindi ka Niya binibigyan ng kaliwanagan sa Kanyang mga salita lang, at hindi ka rin Niya laging pinapapatnubayan sa mga taong nasa paligid mo. Paano ka binibigyang-liwanag ng Diyos tungkol sa mga usapin na labas sa iyong kadalubhasaan, sa mga bagay na hindi mo pa kailanman naharap dati? Kung minsan ay binibigyang-liwanag ka Niya sa pamamagitan ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, kung saan dapat kang maghanap ng eksperto o isang taong nakakaunawa sa larangan para payuhan ka. Dapat kang magmadaling humanap ng sinumang nakakaunawa sa larangan, kumuha ng ilang payo mula sa kanila, at pagkatapos ay gawin ang bagay ayon sa mga prinsipyo, at gagabayan ka ng Diyos habang ginagawa mo ito. Gayunpaman, dapat ay medyo nauunawaan mo ang mga propesyonal na kasanayan o espesyalidad na iyon, at medyo naiintindihan mo ito; sa pundasyong ito ka bibigyang-liwanag ng Diyos sa kung ano ang dapat mong gawin.
Anuman ang gawin ng isang tao, puwede siyang mag-isip, magdisenyo, magplano, kumonsulta, at magtanong tungkol dito mula sa ilang mapagsasanggunian para matukoy ang isang posibleng landas, pero ang tagumpay ay nakasalalay pa rin sa Diyos. Ang kasabihang, “Ang tao ang nagpaplano, ang Diyos ang nagpapatupad,” ay totoo. Kamangha-mangha na ibinuod ng mga walang pananampalataya ang kasabihang ito sa pamamagitan ng karanasan, at kung hindi ito malinaw na nakikita ng isang mananampalataya ng Diyos, siya ay napakamangmang at hindi niya naunawaan ang alinman sa katotohanan. Kinakailangang matatag na paniwalaan ng mga tao sa kanilang puso na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at na ang nais gawin ng tao ay pagpapalain kung ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Dapat mong taglayin ang panuntunang ito sa iyong puso, malaman na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at na hindi ang tao ang may pangwakas na pasya. Samakatuwid, anuman ang gawin ng isang tao, kailangan niya munang manalangin sa Diyos para makita kung ang puso niya ay naantig, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para makita kung ang pagkilos na iyon ay naaayon ba sa katotohanan at kung ito ay posible. Kung hindi ito agad matutukoy, dapat kang maghintay. Huwag magmadaling kumilos. Maghintay hanggang sa maunawaan mo nang lubusan ang usaping iyon, hanggang sa madama mo na oras na, na hindi na kailangang maghintay pa at na dapat mo na itong gawin, at na may sapat na katiyakan sa iyong puso na gawin ito—pagkatapos ay maaari ka nang kumilos. Kung hindi ka nagkaroon ng lubusang pagkaunawa sa usaping ito, kung hindi ka interesado rito pagkatapos mong maghintay ng ilang araw, at kung hindi ka nakatitiyak na ito ay magtatagumpay, pinatutunayan nito na ang usaping ito ay nagmula sa kalooban ng tao, at na hindi ito pinayagan ng Diyos, kaya dapat mo itong isuko agad. Kapag ang isang bagay ay nagmumula sa Diyos, palagi kang makakaramdam ng pananampalataya rito, at ang pananampalatayang iyon ay hindi mababawasan anumang mga sitwasyon ang lumitaw. Sa huli, madaragdagan nang madaragdagan ang kaliwanagan sa puso mo, na para bang nakita mo na nang malinaw ang usaping iyon. Ganito kapag nanggaling sa Diyos ang isang bagay. Pinaghihintay ng Diyos ang mga tao, at nangangahulugan ito ng paghihintay ng paghahayag mula sa Diyos, at pagkatapos nito ay magiging malinaw sa iyo ang usaping iyon, kaya kinakailangan ang paghihintay na ito. Pero, pagdating naman sa mga paraan kung paano ka dapat makipagtulungan, dapat kang kumilos at magtanong, at sa proseso ng pagtatanong, maaaring sabihin sa iyo ng Diyos ang mga katunayan sa pamamagitan ng isang tao o isang pangyayari. Kung hindi ka magtatanong, at ikaw ay nalilito at hindi sigurado sa iyong puso, hindi mo malalaman kung ano ang mga katunayan. Pero kung ikaw ay magtatanong, matutuklasan mo ang mga katunayan, at ang Diyos ang magpapaalam sa iyo ng mga ito. Hindi ba’t praktikal ang mga pagkilos ng Diyos? Ginagabayan at binibigyang-liwanag ka ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at pinapatnubayan ka Niya na makaunawa at magkaroon ng kabatiran sa mga usapin sa proseso ng iyong karanasan, itinuturo sa iyo kung paano kumilos. Hindi ka binibigyan ng Diyos ng isang pahayag, isang kaisipan, o isang ideya mula sa wala, hindi iyon ginagawa ng Diyos. Kapag ikaw ay nagtanong at naihayag na ang lahat ng katunayan tungkol sa sitwasyon, malalaman mo kung bakit ka nagkaroon ng gayong mga iniisip at damdamin noon, mauunawaan mo ito sa iyong puso. Hindi ba’t agad na lumilitaw ang kinalabasang ito pagkatapos na pagkatapos mong magtanong? Pagdating naman sa kung paano ka dapat kumilos, hindi makikialam ang Diyos dito; malalaman mo na kung paano kumilos. Ganito gumagawa at gumagabay sa mga tao ang Diyos, sa paraang parehong kahanga-hanga at praktikal, na kahit katiting ay hindi higit sa karaniwan. Gusto ng mga tamad na tao na palaging mangyari ito sa pamamagitan ng higit sa karaniwang paraan, gusto nilang direktang sabihin sa kanila ng Diyos kung ano ang gagawin, gusto nila ng mas mabilis na paraan at na gawin ito ng Diyos para sa kanila, at hindi sila maagap na nagsisiyasat o naghahanap, at hindi man lang sila nakikipagtulungan, kaya ang kanilang mga kagustuhan ay nauuwi sa wala. Ang mga debotong tao, ang mga taong mapagmahal sa katotohanan, ay namumuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng bagay at pinatatahimik nila ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kapag may nangyayari sa kanila, at hindi nila alam kung ano ang gagawin, nagagawa nilang manalangin sa Diyos at maghanap sa Diyos at makita kung ano ang nais ng Diyos. Mayroon silang pusong naghahanap, kaya ginagabayan sila ng Diyos sa usaping ito. At kapag nahayag ang resulta sa huli, makikita na nila ang mga pangangasiwa ng kamay ng Diyos. Hindi isang walang katuturang parirala ang sabihin na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Samakatuwid, sa pagdanas ng higit pang mga ganitong usapin, malalaman mo na ang Diyos ay hindi kathang-isip, na hindi Siya isang mito, at hindi Siya hungkag. Nandiyan ang Diyos sa tabi mo; mararamdaman mo ang Kanyang pag-iral, mararamdaman mo ang Kanyang patnubay, at mararamdaman mo ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Kanyang kamay. Sa ganitong paraan, lalo mo pang mararamdaman ang pagiging totoo at pagiging praktikal ng Diyos. Gayunman, kung hindi ka makakaranas sa ganitong paraan, hindi mo kailanman mararamdaman ang mga bagay na ito. Iisipin mo, “May Diyos ba o wala? Nasaan Siya? Maraming taon na akong nananalig sa Diyos at sinasabi ng lahat na Siya ay umiiral, kaya bakit hindi ko pa Siya nakikita? Sinasabi nilang lahat na inililigtas Niya ang tao, kaya bakit hindi ko pa nararamdaman kung paano kumikilos ang Diyos sa mga tao?” Hindi mo kailanman mararamdaman ang mga bagay na ito, kaya’t hindi ka kailanman makararamdam ng ginhawa sa iyong puso. Tanging kapag naramdaman mo lang mismo ang mga ito sa sarili mo na mapapatunayan mong ang sinasabi at nararanasan ng iba ay isinakatuparan ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay kamangha-mangha at mahirap unawain, pero praktikal din ito; dapat mong maarok ang dalawang aspektong ito. Na ito ay kamangha-mangha at mahirap unawain ay nangangahulugang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay may karunungan, at hindi maaabot ng tao; ito ay itinatakda ng pagkakakilanlan ng Diyos at ng Kanyang diwa. Pero may isa pang aspekto, na ang mga pagkilos ng Diyos ay labis na praktikal. Ano ang ibig sabihin ng “praktikal” na ito? Nangangahulugan ito na kayang maarok ng tao ang mga pagkilos ng Diyos, na ang mentalidad, utak, mga kaisipan, at katalinuhan ng tao, pati na rin ang mga likas na gawi at kakayahang taglay ng tao ay kayang maarok ang mga pagkilos ng Diyos—ang mga pagkilos ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan o hungkag. Kapag may ginawa kang tama, ipapaalam sa iyo ng Diyos na ito ay tama, at makukumpirma mo ito; kapag may ginawa kang mali, unti-unti itong ipapaunawa sa iyo ng Diyos, bibigyan ka Niya ng liwanag, at ipapaalam Niya sa iyo na nagawa mo ang kamaliang ito, at ipapaalam Niya sa iyo na ito ay pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay mararamdaman mong may pagkakautang ka sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng “praktikal.”
Sipi 12
Kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, lubhang mahalaga na hanapin ang katotohanan. Kung hahanapin mo ang katotohanan, hindi mo lamang malulutas ang problema, kundi maisasagawa at makakamit mo pa ang katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan at sa halip ay ipipilit mo ang sarili mong katwiran at palagi kang kikilos ayon sa sarili mong opinyon, hindi mo lamang hindi malulutas ang problema ng sarili mong katiwalian, kundi sadya ka ring magkakasala, at ito ay ang landas sa paglaban sa Diyos. Halimbawa, ipagpalagay na pinungusan ka sa pagganap sa mga tungkulin mo, at hindi mo hinahanap ang katotohanan kundi sutil mong binibigyang-diin ang sarili mong katwiran. Maaari mong isipin, “Nagawa ko na ang gawain ko, at wala akong ginawang lantarang masama, pero hindi lamang ako pinungusan dahil sa ilan kong pagkakamali, kundi ako rin ay inilalantad at hindi nirerespeto, na nagpapakita na hindi ako gusto. Nasaan ang pag-ibig ng Diyos? Bakit hindi ko ito makita? Sinasabing mahal ng Diyos ang mga tao, kaya’t paanong ang iba ay minamahal ng Diyos pero ako ay hindi?” Bubuhos ang lahat ng reklamo. Makakamit ba ng mga taong nasa gayong kalagayan ang katotohanan? Hindi. Kapag nagkakaproblema sa relasyon mo sa Diyos, at sa halip na lutasin mo ang mga ito, baguhin mo ang iyong sarili, at isantabi mo ang iyong mga nakalilinlang na pananaw at may pagkiling na ideya ay sutil kang lumalaban sa Diyos, hahantong lamang ito sa pag-abandona sa iyo ng Diyos, at sa pagtalikod mo sa Kanya. Mapupuno ka ng mga reklamo laban sa Diyos, pagdududahan at tatanggihan mo ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at tatanggi kang magpasakop sa mga pagsasaayos Niya. Ang mas malala pa, itatanggi mo na ang Diyos ay katotohanan at ang Kanyang pagiging matuwid, at ito ang pinakamatinding paraan ng paglaban sa Diyos. Pero kung hahanapin mo ang katotohanan sa lahat ng bagay, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at magtatamo ka ng landas na matatahak mo. Sa paggawa nito, hindi mo lamang mapatutunayan na ang Diyos na pinananaligan mo ay ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at pag-ibig; matitiyak mo rin na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, na ang pagsubok at pagpipino Niya sa tao ay tama at para sa layunin ng pagliligtas at pagdadalisay sa tao. Makakamit mo ang kaalaman sa pagiging matuwid at pagiging banal ng Diyos, at kasabay nito ay malalaman mo ang gawain ng Diyos at makikita ang kadakilaan ng pag-ibig Niya. Napakalaking gantimpala! Maaani mo ba ang gayong gantimpala nang hindi hinahanap ang katotohanan, nang palaging lumalapit sa Diyos at sa gawain Niya batay sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Siguradong hindi. Dahil lubhang ginawang tiwali ni Satanas ang tao, lahat ng kanyang kilos at gawa at lahat ng kanyang ibinubunyag ay disposisyon ni Satanas, at lahat ng iyon ay salungat sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Hindi akmang tamasahin ng tao ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Subalit nag-aalala pa rin nang husto ang Diyos sa tao, binibiyayaan Niya ito bawat araw, at isinasaayos para dito ang lahat ng uri ng mga tao, kaganapan, at bagay para subukin at pinuhin ito, upang magkaroon ito ng pagbabago. Ibinubunyag ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng lahat ng uri ng sitwasyon, at hinihikayat itong magnilay-nilay at kilalanin ang kanyang sarili at maunawaan ang katotohanan at magtamo ng buhay. Mahal na mahal ng Diyos ang tao, at totoong-totoo ang Kanyang pagmamahal na anupa’t nakikita at nararamdaman ito ng tao. Kung naranasan mo na ang lahat ng ito, madarama mo na lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, at na ito ang pinakatunay na pagmamahal. Kung hindi pa ginawa ng Diyos ang gayong praktikal na gawain, walang makapagsasabi kung gaano kalalim ang bagsak ng tao! Subalit maraming taong hindi nakakakita sa tunay na pagmamahal ng Diyos, na naghahangad pa rin ng kasikatan, pakinabang at katayuan, na nagsusumikap na maging angat kaysa iba, na laging nagnanais na linlangin at kontrolin ang iba. Hindi ba sila nakikipagkumpitensya sa Diyos? Kung magpapatuloy sila pababa sa landas na iyon, hindi madadalumat ang mga kahihinatnan nito! Ang Diyos, sa Kanyang gawain ng paghatol, ay inilalantad ang katiwalian ng tao upang malaman niya iyon. Pinipigilan Niya ang mga maling hangarin ng tao. Magaling ang ginagawa ng Diyos! Bagama’t ang ginagawa ng Diyos ay ibinubunyag at hinahatulan ang tao, inililigtas din siya nito. Ito ang tunay na pagmamahal. Kapag napagtanto mo ito para sa iyong sarili, hindi mo ba matatamo ang aspektong ito ng katotohanan? Kapag napagtanto na ito ng tao para sa kanyang sarili at sumapit sa pag-unawang ito, at kapag naunawaan na nila ang mga katotohanang ito, may reklamo pa rin ba sila tungkol sa Diyos? Wala—wala na ang lahat ng ito. Pagkatapos, kusang-loob at walang pag-aalinlangan na silang makapagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Sa susunod na mangyari ang isang pagsubok o pagpipino, o sila ay pungusan, agad nilang mapagtatanto na tama ang ginagawa ng Diyos, at na ibinubunyag at inililigtas sila ng Diyos. Hindi magtatagal ay magagawa na nilang tumanggap at magpasakop, makapagpapasakop sa Diyos nang hindi binibigyang-diin ang sarili nilang katwiran, nang walang mga kuru-kuro at reklamo. Kung makapagpapasakop ang mga tao hanggang sa puntong ito, ito ay sa pagdanas nila ng maraming pagpipino, sa paggawa sa kanilang perpekto ng gawain ng Banal na Espiritu.
Sipi 13
Marami na ngayong tao na nakatutok sa paghahangad sa katotohanan at na nagagawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanila. Kung gusto mong lutasin ang mga maling motibo at hindi normal na kalagayan sa loob mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para magawa iyon. Bilang panimula, dapat mong matutunang maging bukas sa pagbabahaginan batay sa mga salita ng Diyos. Siyempre, dapat kang pumili ng tamang tatanggap ng bukas na pagbabahaginan—kahit papaano man lang, dapat kang pumili ng taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan, isang taong mabuti ang pagkatao, na kahit papaano ay matapat at matuwid. Mas mabuti siyempre kung makapipili ka ng isang taong nakauunawa sa katotohanan, na matutulungan ka sa kanyang pagbabahagi. Maaaring maging epektibo ang paghahanap ng ganitong tao na mapagtatapatan mo at makakasama mo sa paglutas ng mga paghihirap mo. Kung pipili ka ng maling tao, ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kundi may kaloob o talento lamang, kukutyain at hahamakin ka niya, at lilibakin ka niya. Hindi ito para sa kapakinabangan mo. Sa isang banda, ang pagtatapat at paglalahad ng sarili ang dapat maging paraan ng isang tao sa pagharap sa Diyos at pagdarasal sa Kanya; ganito rin dapat makipagbahaginan sa iba ang isang tao tungkol sa katotohanan. Huwag mong kimkimin ang mga bagay-bagay, at isipin na, “Mayroon akong mga motibo at paghihirap. Hindi mabuti ang kalagayan ng kalooban ko—negatibo ito. Hindi ko sasabihin kahit kanino. Sasarilinin ko na lamang ito.” Kung palagi mong sinasarili ang mga bagay nang hindi nilulutas ang mga ito, lalo ka lang magiging negatibo, at lalo lang malulugmok ang kalagayan mo. Hindi mo gugustuhing manalangin sa Diyos. Ito ay isang bagay na mahirap ayusin. Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pagtanglaw at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay unti-unti Niyang ipinauunawa sa iyo ang katotohanan at ang Kanyang mga layunin, at hinahayaan ka Niyang makita ang landas ng pagsasagawa at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag ang isang tao ay hayagang nakapagbabahaginan, nangangahulugan ito na mayroon siyang tapat na saloobin sa katotohanan. Ang katapatan ng tao ay nasusukat sa kanyang saloobin sa katotohanan. Kapag nakararanas ng mga paghihirap ang isang tapat na tao, gaano man siya kanegatibo o kahina, palagi siyang mananalangin sa Diyos at maghahanap ng ibang makakabahaginan, susubukan niyang makahanap ng solusyon, at aalamin niya kung paano maaayos ang kanyang problema o paghihirap, upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang hinahanap niya ay hindi taong masasabihan ng mga reklamo dahil sa anumang pagkabalisa ng kalooban: Ang hinahanap niya ay solusyon sa hirap ng pagpasok at paglabas sa katotohanang realidad. Ang pagkikimkim ng hindi pa nalulutas na mga negatibo at masasamang bagay sa puso ng isang tao ay direktang makaaapekto sa pagganap niya sa tungkulin at sa kanyang buhay pagpasok. Ang pagiging hindi dalisay at bukas sa Diyos at sa halip ay palaging pagkikimkim ng panlilinlang sa puso ay lubhang mapanganib. Magaling magpanggap ang mga mapanlinlang na tao, anuman ang mangyari sa kanila, at hindi sila makikipagbahaginan anumang mga kuru-kuro o pagkadismaya ang maramdaman nila. Mukha silang normal sa panlabas pero ang totoo ay umaapaw ang pagkanegatibo sa puso nila na halos hindi na sila makabangon, at hindi mo ito mapapansin. Kahit pa makipagbahaginan ka sa kanila, hindi nila sasabihin sa iyo ang totoo. Hindi nila sasabihin kaninuman kung gaano na sila kapuno ng mga reklamo, maling pagkaunawa, at kuru-kuro; palagi nilang itinatago ang mga bagay-bagay dahil takot silang bumaba ang tingin ng iba sa kanila at na tanggihan sila ng mga ito kapag naayos na nila ang mga bagay na ito. Bagamat ginagawa nila ang mga tungkulin nila, wala silang buhay pagpasok at hindi nila hinahanap ang katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa nila; sa panlabas, tila maligamgam sila, walang lakas upang sumulong pero hindi naman napag-iiwanan, at pahiwatig ito ng isang krisis. Mayroong karamdaman sa puso ng mga hindi naghahangad sa katotohanan; ang karamdaman ay nasa puso nila, at takot silang malantad sa liwanag. Mahigpit nilang kinikimkim ang lahat ng bagay, hindi kailanman nangangahas na maging bukas sa iba; walang sirkulasyon ng buhay, na humahantong sa pagiging mapanirang tumor ng karamdaman sa kanilang puso, at sa gayon, sila ay nalalagay sa panganib. Kung hindi kaya ng mga tao na maging dalisay at bukas sa pagtanggap ng katotohanan, at kung hindi nila malulutas ang mga problema nila sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan, ang gayong mga tao ay hindi maayos na magagampanan ang mga tungkulin nila, at dapat silang ilantad at itiwalag sa malao’t madali.
Sipi 14
Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo. Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang konsensiya o katwiran, isang hindi mananampalataya, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga hindi mananampalataya. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.” Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Kung puwede mong ituring ang iyong tungkulin bilang responsabilidad at obligasyon mo at bilang atas ng Diyos, at nadarama mo na kailangan ito upang makaharap ka sa Diyos at sa iyong konsiyensiya, hindi ba isinasabuhay mo ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ang magiging “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” na sinasabi Niya. Isinasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isinasabuhay ang realidad ng mga ito. Kapag naging buhay ng tao ang katotohanan, nagagawa nilang isabuhay ang realidad na ito. Ngunit kung hindi ka pa nakapapasok sa realidad na ito, sa gayon, kapag naghahayag ka ng panlilinlang, pandaraya, o pagbabalatkayo, o kapag nakikita mong ginugulo at ginagambala ng masasamang puwersa ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, wala kang nararamdamang anuman at walang nahihiwatigan. Kahit pa nangyayari nang harapan ang mga bagay na ito, nagagawa mo pa ring humalakhak, at nakakakain at nakatutulog ka pa rin nang may maalwang konsiyensiya, at hindi ka nakararamdam ng bahagya mang paninisi sa sarili. Sa dalawang buhay na ito na maaari ninyong isabuhay, alin ang pinipili ninyo? Hindi ba malinaw kung alin ang tunay na wangis ng tao, ang realidad ng mga positibong bagay, at kung alin ang buktot at mala-demonyong kalikasan, ng mga negatibong bagay? Kapag ang katotohanan ay hindi naging buhay ng mga tao, ang kanilang isinasabuhay ay lubos na kaawa-awa at malungkot. Ang hindi magawang isagawa ang katotohanan, kahit na gusto nila; ang hindi magawang mahalin ang Diyos, kahit na ninanais nila; at ang magkulang ng lakas upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, kahit na nananabik silang gawin ito—hindi nila magawang mamuno—ito ang nakakaawang kalagayan at hinagpis ng mga tiwaling tao. Upang malutas ang problemang ito, dapat tanggapin at hanapin ng isang tao ang katotohanan; dapat nilang tanggapin ang katotohanan sa kanilang puso upang magkaroon ng isang bagong buhay. Anumang gawin o isipin nila nang sila lang, yaong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan ay hindi rin kayang isagawa ang katotohanan, at kahit pa sa panlabas ay maayos sila, pagkukunwari at panlilinlang pa rin ito—pagpapaimbabaw pa rin ito. Samakatuwid, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi mo makakamit ang buhay, at iyon ang ugat ng problema.
Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, “Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.” Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang totoo, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? Kahit naaayon sa katotohanan ang ilan sa sinasabi mo, sa mahahalagang sitwasyon at isyu, nagsisinungaling ka at nanlilinlang ng mga tao, na nagpapatunay na isa kang taong sinungaling, at nabubuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Lahat ng sinasabi at iniisip mo ay naiproseso ng utak mo, na humahantong sa pagiging huwad, hungkag, kasinungalingan ng bawat pahayag mo; sa totoo lang, lahat ng sinasabi mo ay salungat sa mga katotohanan, para bigyang-katwiran ang iyong sarili, para sa sarili mong kapakinabangan, at pakiramdam mo ay nakamtan mo na ang iyong mga layon kapag nalihis mo ang mga tao at napaniwala mo sila. Ganyan kang magsalita; kumakatawan din iyan sa iyong disposisyon. Ganap kang kontrolado ng sarili mong satanikong disposisyon. Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad. Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi, ginagawa, at isinasabuhay mo, at pabasta-basta ka lang. Ganap kang bihag at nakokontrol ng sataniko mong disposisyon. Maaaring gusto mong tanggapin at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ikaw ang magpapasya nito. Kapag kinokontrol ka ng iyong mga satanikong disposisyon, sinasabi at ginagawa mo ang anumang ipagawa sa iyo ng iyong satanikong disposisyon. Isa ka lamang tau-tauhan ng tiwaling laman, naging kasangkapan ka ni Satanas. Pagkatapos, nanghihinayang ka sa muli mong pagsunod sa tiwaling laman at sa kung paano ka maaaring nabigong isagawa ang katotohanan. Iniisip mo, “Hindi ko kayang mag-isang madaig ang laman at dapat akong manalangin sa Diyos. Hindi ako tumindig upang pigilan ang mga nanggugulo sa gawain ng iglesia, at binabagabag ako ng aking konsiyensiya. Nagpasya na ako na kapag nangyari ulit ito ay dapat akong manindigan at pungusan ang mga gumagawa ng mga kamalian sa pagganap ng mga tungkulin nila at sa mga nanggugulo sa gawain ng iglesia, upang sila ay umayos at tumigil na sa walang ingat na pagkilos.” Pagkatapos mong makapag-ipon sa wakas ng lakas ng loob na magsalita, matatakot ka at aatras sa sandaling magalit ang kausap mo at hampasin niya ang mesa. Kaya mo bang maging lider? Ano ang silbi ng determinasyon at tibay ng loob? Parehong walang silbi ang mga ito. Nakaranas na siguro kayo ng maraming insidente tulad nito: Kapag nahirapan ka sumusuko ka, naramdaman mo na wala kang magawa at sumuko ka na na wala nang pag-asa, ipinaubaya mo ang sarili mo sa pagdadalamhati at nagpasya ka na wala nang pag-asa para sa iyo, at sa sandaling ito, ganap ka nang itiniwalag. Inaamin mong hindi mo hinahangad ang katotohanan, kaya’t bakit hindi ka nagsisisi? Naisagawa mo na ba ang katotohanan? Tiyak na mayroon ka namang naunawaan, pagkatapos mong dumalo sa mga sermon nang ilang taon. Bakit nga ba hindi mo isinasagawa ang katotohanan kahit papaano? Hindi mo hinahanap ang katotohanan kailanman, at lalong hindi mo ito isinasagawa. Palagi ka lamang nagdarasal, nagreresolusyon, nagtatakda ng mga mithiin, at nangangako sa puso mo. At ano ang kinahinatnan? Nananatili kang isang taong mapagpalugod sa iba, hindi ka nagtatapat tungkol sa mga problemang nararanasan mo, wala kang pakialam kapag nakikita mo ang masasamang tao, hindi ka tumutugon kapag may gumagawa ng masama o kaguluhan, at nananatili kang walang pakialam kapag hindi ka personal na naaapektuhan. Iniisip mo, “Hindi ako nagsasalita tungkol sa anumang walang kinalaman sa akin. Hangga’t hindi nito napipinsala ang aking mga interes, ang aking banidad, o ang aking imahe, binabalewala ko nang walang pagbubukod ang lahat. Kailangan kong maging napakaingat, dahil ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Hindi ako gagawa ng anumang katangahan!” Lubos at di-natitinag kang kinokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon ng kabuktutan, pagkamapanlinlang, katigasan, at pagiging tutol sa katotohanan. Naging mas mahirap na para iyo na tiisin ang mga ito kaysa sa sumisikip na ginintuang korona[a] na isinuot ng Haring Unggoy. Ang pamumuhay sa ilalim ng pagkontrol ng mga tiwaling disposisyon ay lubhang nakakapagod at napakasakit! Ano ang masasabi ninyo rito: Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, madali bang iwaksi ang inyong katiwalian? Kaya bang lutasin ang suliraning ito? Sinasabi Ko sa inyo: Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan at naguguluhan kayo sa inyong paniniwala, kung nakikinig kayo sa mga sermon sa loob ng maraming taon nang hindi isinasagawa ang katotohanan, kung naniniwala kayo hanggang sa huli, pero nakakapagbigkas lamang ng ilang salita at doktrina para linlangin ang iba, kayo ay ganap na isang relihiyosong manloloko, isang mapagpaimbabaw na Pariseo, at sa ganitong paraan kayo hahantong sa pagwawakas. Ito ang inyong magiging kalalabasan. Kung malala pa kayo kaysa rito, maaaring may dumating na pangyayari kung saan ay mahuhulog kayo sa tukso, iiwan ninyo ang tungkulin ninyo, at magiging isa kayong tao na ipinagkakanulo ang Diyos—at kung magkaganito ay naiwan ka na, at ititiwalag ka. Ito ay pagiging laging nasa gilid ng isang bangin! Kaya sa ngayon, walang mas mahalaga kaysa sa paghahangad ng katotohanan. Wala nang hihigit pa sa pagsasagawa ng katotohanan.
Talababa:
a. Ang ginintuang korona ng Haring Unggoy ay isang mahalagang bagay sa klasikong Tsinong nobela na “Paglalakbay Papunta sa Kanluran.” Ginamit sa kuwento ang ginintuang korona para kontrolin ang mga kaisipan at kilos ng Haring Unggoy sa pamamagitan ng masakit na pagsikip nito sa kanyang bungo sa tuwing suwail ang pag-uugali niya.
Sipi 15
Kung mayroong pusong nagmamahal sa katotohanan ang mga tao, magkakaroon sila ng lakas na hangarin ang katotohanan, at makapagsusumikap isagawa ang katotohanan. Matatalikuran nila ang dapat na talikuran, at mabibitiwan ang dapat na bitiwan. Sa partikular, ang mga bagay na may kinalaman sa sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan ay dapat na bitiwan. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, nangangahulugan ito na hindi mo minamahal ang katotohanan at wala kang lakas para hangarin ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may makasariling puso at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman hinanap o isinagawa ang katotohanan sa alinmang sitwasyon, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, “Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at isang makasarili at walang dangal. Ang ganitong tao ay nananalig sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatuwid, ang ganitong mga tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manalig sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, ngunit iniisip mo ang sarili mong reputasyon at katayuan, at isinasaalang-alang ang iyong kahihiyan, kung gayon ay magiging mahirap na isagawa ito. Sa sitwasyong gaya nito, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan kung ano ang kanilang pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at makapagpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay dahil sa wala silang buhay pagpasok, ito ay dahil wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoo batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay mabubunyag at matitiwalag ka. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang kalalabasan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka. Iniisip ba ninyo na maliit na bagay lang ito? Kung hindi ka pa naparusahan, hindi mo maiisip kung gaano kanakapangingilabot ito. Pagdating ng araw kung saan talaga ngang naharap ka sa kapahamakan, at naharap ka sa kamatayan, magiging huli na ang lahat para magsisi. Kung, sa pananalig mo sa Diyos, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at kung matagal ka nang naniniwala sa Diyos pero walang nagbago sa iyo, ang kahihinatnan mo sa huli ay ititiwalag at aabandonahin ka. Ang lahat ng tao ay mayroong mga paglabag. Ang susi ay mahanap ang katotohanan upang maayos ang mga paglabag na iyon, at magbibigay ito ng katiyakan na uunti nang uunti ang mga iyon. Anumang oras, kung sakaling maglantad ka ng iyong tiwaling disposisyon, at palagi mong nagagawang magdasal at umasa sa Diyos, hanapin ang katotohanan upang ayusin ito, at dalisayin ang iyong tiwaling disposisyon, kung magkagayon ay hindi ka nakagawa ng masama. Ganito dapat ayusin ng mga mananampalataya ang problema ng isang tiwaling disposisyon, at ganito mararanasan ang gawain ng Diyos. Kung hindi ka kailanman nagdarasal sa Diyos at hindi ka kailanman naghahanap ng katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, o kaya naman ay kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa, ano ang magiging resulta nito sa huli? Hindi na ito kailangang patunayan pa. Gaano ka man katuso at kagaling magsalita, matatakasan mo ba ang mapanuring mata ng Diyos? Makakaiwas ka ba sa mga pangangasiwa ng kamay ng Diyos? Imposible ito. Ang matatalinong tao ay dapat na lumapit sa harap ng Diyos at magsisi, tumitingin sa Kanya, umaasa sa Kanya, inaayos ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at isinasagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay mapagtatagumpayan mo ang laman, at mapagtatagumpayan ang mga tukso ni Satanas. Kahit na ilang beses kang mabigo, dapat kang magtiyaga. Kung ikaw ay nagtitiyaga laban sa lahat ng posibilidad, darating ang panahon na magtatagumpay ka, at makakamtan mo ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpapala, at magagawa mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin at palugurin ang Diyos.
Kapag may mga nangyayari sa inyo, gaano ninyo kadalas pinipili na isagawa ang katotohanan at panatilihin ang gawain ng Diyos? (Hindi madalas. Kadalasan, pinipili kong panatilihin ang sarili kong reputasyon o pansariling interes, at napagtatanto ko ito pagkatapos, ngunit hindi madaling maghimagsik laban sa aking sarili. Kung may isang taong nagbabahagi sa akin ng katotohanan, nagbibigay ito sa akin ng kaunting lakas, at kahit paano ay nagagawa kong maghimagsik laban sa aking sarili. Ngunit kapag wala kahit isa na nagbabahagi sa akin ng katotohanan, nagiging malayo ako sa Diyos at palaging namumuhay sa ganitong kalagayan.) Mahirap maghimagsik laban sa laman, at lalong mahirap na isagawa ang katotohanan, dahil mayroon kang satanikong kalikasan na humahadlang sa iyo, at isang tiwaling disposisyon na gumagambala sa iyo, at ang mga ito ay hindi maaayos nang hindi nauunawaan ang katotohanan. Gaano karaming oras sa isang araw ang kaya ninyong gugulin nang tahimik sa presensiya ng Diyos? Ilang araw ang kaya mong palipasin nang hindi nagbabasa ng salita ng Diyos bago mo maramdaman na ikaw ay tigang na sa espiritu? (Pakiramdam ko, hindi ko kayang lumipas ang isang araw nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kailangan kong magbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa umaga at pagkatapos ay pagnilayan ito. Sa ganito ay nararamdaman kong mas malapit ako sa Diyos. Kung may isang araw na abala lang akong nakasubsob sa trabaho, ni hindi kumakain o umiinom ng mga salita ng Diyos, o kaya naman ay labis na nananalangin, pakiramdam ko ay napakalayo ko sa Diyos.) Kung nararamdaman ninyo na hindi ninyo kayang malayo sa Diyos, may pag-asa pa para sa inyo. Kung kayo ay isang mananampalataya at nais makamtan ang katotohanan, hindi kayo maaaring maging pasibo at palaging naghihintay ng isang taong magbabahagi sa inyo ng katotohanan. Dapat kayong matuto na aktibong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, manalangin sa Diyos, at hanapin ang katotohanan. Kung maghihintay kayo hanggang sa dumilim ang inyong espiritu at hindi ninyo nararamdaman ang Diyos bago kumain at uminom ng Kanyang mga salita at manalangin sa Kanya, mapananatili mo lamang ang nakasanayan na. Ang magawang panatilihin ang isang nominal na “pananampalataya” ay magiging napakabuti na, pero hindi magkakaroon ng paglago sa iyong buhay, at kapag ang iyong espiritu ay natuyot at namanhid, at masyado ka nang naging malayo sa Diyos, malalagay ka sa panganib. Isang tukso ang nangyayari sa iyo, at nahuhulog ka na, napakadali mong nabihag ni Satanas. Kung wala kang anumang karanasan, walang nauunawaang mga katotohanan, hindi nakatuon alinman sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos o kaya naman ay sa pakikinig ng mga sermon, at walang normal na espirituwal na buhay, kung magkagayon ay magiging mahirap para sa iyo na maging matayog, at tiyak na magiging napakabagal ng iyong pag-unlad. Ano-ano ang mga dahilan sa ganitong mabagal na pag-unlad? Ano-ano ang mga kahihinatnan nito? Dapat kang malinawan tungkol sa mga bagay na ito. Sa anumang paraan inilalantad ng Diyos ang tiwaling disposisyon ng mga tao, dapat silang magpasakop dito at tanggapin ito. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang mga sarili at ihambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos, nang sa gayon ay makamit nila ang kaalaman sa sarili at unti-unting maunawaan ang katotohanan. Ito ang lubos na nakapagpapalugod sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay tiyak na kikilos sa kanila, at tiyak na mauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong panatilihin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa iyong puso sa lahat ng oras, para kapag nagkaroon ka ng problema sa tunay na buhay, magagawa mong iugnay at ihambing ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Pagkatapos, magiging madali nang lutasin ang problema. Halimbawa, gusto ng lahat ng tao ng isang malusog na katawan na walang karamdaman; iyan ay isang bagay na hinahangad ng lahat, ngunit paano mo ito dapat isagawa sa iyong pang-araw-araw na buhay? Una sa lahat, dapat kang magkaroon ng isang regular na pangkaraniwang gawain, huwag kumain ng mga bagay na masama sa katawan o ipinagbabawal, at magkaroon ng sapat na ehersisyo. Kapag pinagsama-sama ang mga pamamaraan na ito, at ang lahat ng ginagawa mo ay umiikot sa layunin ng pisikal na kalusugan, unti-unti mong makikita ang mga resulta. Pagkalipas ng ilang taon, ikaw ay magiging mas malusog kaysa sa iba, at magkakaroon ka ng magagandang resulta. Paano mo nakuha ang mga gayong resulta? Ito ay dahil magkatugma ang iyong mga kilos at layunin, at ang iyong pagsasagawa at teorya ay magkatugma. Pareho rin ito sa paniniwala sa Diyos. Kung sinisikap mong maging isang tao na nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan, at isang taong nagbago ng disposisyon, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong iugnay ang mga ito sa mga layuning hinahangad mo at sa mga katotohanang sangkot dito. Anuman ang mga layuning hinahangad mo, basta’t ang mga ito ay ang hinihingi ng Diyos sa tao, ang mga ito ay direksyon at layunin na dapat hangarin bilang isang mananampalataya. Halimbawa, ang pagsunod sa daan ng Diyos: pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa sandaling mayroon ka ng direksyong ito, ng layuning ito, dapat magkaroon ka ng pamamaraan upang maisagawa ito agad pagkatapos. Kapag sinasasabi Kong “sumusunod sa daan ng Diyos,” ano ang pinatutungkulan ng “daan ng Diyos”? Ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa ating mga damdamin ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. Una sa lahat, ang pagiging matapat ay tugma sa pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay hindi bahagi ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At hindi ba ito pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo, pagsunod ito.) Kung hindi ka matapat, ang nakikita mo at ang iniisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May magtatanong sa iyo, “Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Responsable ba siya sa gawain ng iglesia?” at sasagot ka, “Magaling siya. Mas responsable siya kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya. Nasa kahustuhan siya at matatag siya.” Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang nakikita mo ay bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, siya ay hindi maaasahan, medyo mapanlinlang, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, “Hindi ko puwedeng sabihin ang katotohanan, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,” kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, at pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, pero wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo; ang lahat ng ito ay kasinungalingan at lahat ay pandaraya. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang daan ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan kung saan dapat ibagay ng mga tao ang kanilang pag-uugali, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig din ang Diyos; pinagmamasdan Niya ang iyong puso at sinisiyasat ito. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng katotohanan; nakikita nila kung ano ang nasa panlabas, pero tanging Diyos lamang ang nakakikita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo. Ang Diyos lamang ang nakakikita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, at ng maliliit na pakana, mga mapandayang paraan, at aktibong mga iniisip na mayroon ka sa puso mo. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon at ebalwasyon Niya sa iyo? Na hindi mo sinunod ang daan ng Diyos sa bagay na ito dahil hindi ka nagsabi ng totoo. Kung nagsasagawa ka ayon sa mga hinihingi ng Diyos, sinabi mo sana ang totoo: “Isa siyang taong may kakayahan, pero hindi siya maaasahan.” Tumpak man o hindi ang ebalwasyong ito, totoo naman ito at nagmula sa puso, at ito ang pananaw at posisyon na dapat sana ay ipinahayag mo. Pero hindi mo ginawa—kaya sinusunod mo ba ang daan ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi mo sinasabi ang totoo, ano ang silbi na ipagdiinan mo na sinusunod mo ang daan ng Diyos at binibigyan mo ng kasiyahan ang Diyos? Pakikinggan ba ng Diyos ang mga salawikain na isinisigaw mo? Tinitingnan ba ng Diyos kung paano ka sumigaw, kung gaano ka kalakas sumigaw, o kung gaano katindi ang kalooban mo? Tumitingin ba Siya sa kung ilang beses kang sumigaw? Hindi ito ang mga bagay na tinitingnan Niya. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung isinasagawa mo ba ang katotohanan, at ang mga pinipili mo at kung paano mo isinasagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo. Kung ang pinipili mo ay ang maingatan ang mga relasyon, maingatan ang sarili mong mga interes at imahe, ang lahat ay para mapangalagaan ang sarili mo, at makikita ng Diyos na ito ang pananaw at saloobin mo kapag may nangyayari sa iyo, kung gayon ay kikilatisin ka Niya: sasabihin Niyang hindi ka isang taong sumusunod sa Kanyang daan. Sinasabi mo na nais mong hangarin ang katotohanan at sundan ang daan ng Diyos, kung gayon, bakit hindi mo ito isinasagawa kapag may nangyayari sa iyo? Ang mga salitang sinasabi mo ay maaaring mula sa puso, at maaaring ipinararating ng mga ito ang iyong kalooban at mga kagustuhan, o maaaring ang iyong puso ay naantig, at taos-puso ang mga salitang sinasambit mo habang ikaw ay umiiyak nang buong pait, ngunit ang pagsasalita ba nang taos-puso ay nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba ito na ikaw ay mayroong tunay na patotoo? Hindi ito kasiguraduhan. Kung ikaw ay isang taong naghahangad ng katotohanan, magagawa mong isagawa ang katotohanan; kung hindi ka mapagmahal sa katotohanan, magsasabi ka lang ng mga bagay na nakalulugod sa pandinig, at iyon na ang katapusan niyon. Ang mga Pariseo ang pinakamagaling sa pangangaral ng doktrina at paghimig ng mga salawikain. Madalas silang tumayo sa mga sulok ng lansangan at sumigaw, “O makapangyarihang Diyos!” o “Diyos na nararapat sambahin!” Sa tingin ng iba, sila ay partikular na maka-Diyos, at walang ginawang anumang bagay laban sa kautusan, ngunit sila ba ay sinang-ayunan ng Diyos? Hindi Niya ito ginawa. Paano Niya sila kinondena? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang titulo: ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging bansag na lamang ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Bihasa sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagkukunwari; naaapektuhan nila ang dakilang kamaharlikahan, kabanalan, katuwiran, at hayag na kagandahang-asal, at mabuti sa pandinig ang mga salawikain na kanilang isinisigaw, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabuting pag-uugali ang mayroon sila? Nagbabasa sila ng mga kasulatan at nangangaral; itinuturo nila sa iba na sundin ang kautusan at mga regulasyon, at huwag labanan ang Diyos. Lahat ng ito ay mabuting pag-uugali. Lahat ng sinasabi nila ay mabuti sa pandinig, subalit, kapag nakatalikod ang iba, palihim silang nagnanakaw ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “sinasala ang lamok ngunit nilulunok ang kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga salawikain, nagsasalita sila ng mga palalong teorya, at masarap pakinggan ang kanilang mga salita, subalit ang mga gawa nila ay makalat at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos nila sa panlabas ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit katiting na pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Tutol sila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung hindi nila ito kinondena, posible bang masabi ito? Hindi. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang gawain ay nagbunyag sa lahat ng mga Pariseo, at sa pamamagitan lamang ng pagkondena sa kanila at sa kanilang paglaban sa Panginoong Jesus makikita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinumang tunay na makakikilala sa mga Pariseo, at kung titingnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, maiinggit pa nga sila. Hindi ba kawalan ng katapatan at panlilinlang ng mga Pariseo na gamitin ang mapagkunwaring mabuting pag-uugali upang kunin ang tiwala ng mga tao? Maaari bang ang gayong mapanlinlang na mga tao ay magmahal sa katotohanan? Talagang hindi nila ito magagawa. Ano ang layunin sa likod ng kanilang mga pagpapakita ng mabuting pag-uugali? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang ilihis at makuha ang loob ng mga tao, upang ang mga tao ay tingalain sila at igalang sila. At panghuli, nais nilang magantimpalaan. Anong panloloko ito! Mahuhusay ba itong panlilinlang? Minamahal ba ng gayong mga tao ang pagkamakatarungan at pagkamatuwid? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang hinangad nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman ipinamuhay ang mga realidad ng katotohanan kahit katiting man. Ang nais lamang nila ay magpanggap na may mabuting pag-uugali, at manlinlang at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na kanila namang ginagamit upang maghanap ng kapital at ng ikabubuhay. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Mula sa ganitong pag-uugali nila, makikita mo na, sa kanilang diwa, hindi nila mahal ang katotohanan, at hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Ang pinakadakila sa lahat: na ang ating Panginoong Jesus ay naparito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at na ang lahat ng mga salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay katotohanan at may awtoridad. Paano tumugon ang mga Pariseo dito? Bagamat kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila ito hindi tinanggap, kundi kanila rin itong kinondena at nilapastangan. Para saan iyon? Ito ay dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol at napopoot sila sa katotohanan. Kinilala nila na ang Panginoong Jesus ay tama sa lahat ng Kanyang sinabi, na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, na hindi Siya mali sa kahit anong paraan, at na sila ay walang kahigitan laban sa Kanya. Ngunit nais nilang kondenahin ang Panginoong Jesus, kaya’t nag-usap at nagsabwatan sila, at kanilang sinabi, “Ipako Siya sa krus. Siya o kami,” at ganito sinuway ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus. Nang panahon na iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakikilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas ng mga demonyo, at nagpagaling ng maysakit. Gumawa Siya ng maraming himala, nagpakain ng 5,000 sa pamamagitan ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda, gumawa ng maraming mabubuting gawa, at nagkaloob ng labis-labis na biyaya sa mga tao. Mayroon lamang kaunting mabubuti at matutuwid na tao gaya nito, kaya bakit ninais ng mga Pariseo na kondenahin ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipapako Siya sa krus? Na mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa sa Panginoong Jesus ay nagpapakita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Sila ay napakasama! Labis-labis ang kaibahan sa pagitan ng masasamang mukha na ipinagkanulo ng mga Pariseo, at ang kanilang mapagkunwari, panlabas na kabutihan, anupa’t maraming tao ang hindi matukoy kung alin ang totoo at alin ang huwad, ngunit ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay nagbunyag sa lahat ng ito. Ang mga Pariseo ay madalas na magaling sa pagpapanggap at sa panlabas ay mukhang maka-Diyos, na walang sinuman ang nag-akala na maaari nilang labanan nang napakalupit at usigin ang Panginoong Jesus. Kung hindi nabunyag ang mga katunayan, walang sinuman ang maaaring makaunawa sa mga iyon. Ang pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao ay labis na naglalantad tungkol sa tao!
Sipi 16
Ang layunin ng mga tao sa pag-unawa at pagsasagawa ng katotohanan ay upang isabuhay nila ang katotohanan, upang isabuhay ang wangis ng tao, at upang gawin nilang buhay nila ang mga katotohanang nauunawaan at naisasagawa nila. Ano ang ibig sabihin ng gawin ang mga itong buhay ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay nagiging pundasyon at pinagmumulan ang mga ito ng kanyang mga kilos, buhay, asal, at pag-iral—binabago ng mga ito ang paraan ng pamumuhay ng isang tao. Ano ang naging batayan noon ng pamumuhay ng mga tao? May paninindigan man sila o wala, namuhay sila sa pamamagitan ng pagsandig sa mga satanikong disposisyon, at hindi sila namuhay ayon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Sa ganoong paraan ba dapat mamuhay ang isang nilalang? (Hindi.) Ano ang hinihingi ng Diyos sa tao? (Ang mamuhay ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita.) Namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos—hindi ba’t ito ang layuning dapat taglayin ng mga taong tunay na nananalig sa Kanya? (Oo.) Ang isang nilalang ay dapat na magkaroon ng uri ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagsandig sa mga salita ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong mga tao ay mga tunay na nilalang. Kaya, kailangan mong regular na pagnilay-nilayan kung alin sa iyong mga salita, alin sa iyong mga kilos, at alin sa mga prinsipyo ng iyong pag-uugali, ang mga layunin ng iyong pag-iral, at ang mga paraan kung paano mo pinakikitunguhan ang mundo ang tugma sa mga katotohanang prinsipyo, tugma sa hinihiling ng Diyos sa tao, at alin sa mga ito ang walang kaugnayan sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kung madalas mong pinagbubulay-bulayan ang mga bagay na ito, unti-unti mong maisasakatuparan ang pagpasok. Kung hindi mo pinagninilay-nilayan ang mga bagay na ito, walang saysay ang gumawa lamang ng mga paimbabaw na pagsisikap; wala kang mapapala sa huli sa paggawa nang wala sa loob, pagsunod sa mga patakaran, at pagsali sa seremonya. Kaya ano ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya sa Diyos sa totoo lang ay ang proseso ng pagkakamit ng kaligtasan ng Diyos at ito ang proseso ng pagbabago mula sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas tungo sa pagiging isang tunay na nilalang sa paningin ng Diyos. Kung nananatiling sumasandig ang isang tao sa kanyang satanikong disposisyon at kalikasan para mabuhay, siya ba ay isang kuwalipikadong nilalang sa paningin ng Diyos? (Hindi.) Sinasabi mong nananalig ka sa Diyos, kinikilala mo ang Diyos, kinikilala mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at kinikilala na ibinibigay ng Diyos ang lahat sa iyo, ngunit isinasabuhay mo ba ang mga salita ng Diyos? Namumuhay ka ba alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Sinusundan mo ba ang daan ng Diyos? Nagagawa ba ng isang nilalang na katulad mo na humarap sa Diyos? Nagagawa mo bang mabuhay sa piling ng Diyos? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Katugma ba sa Diyos ang isinasabuhay mo at ang landas na tinatahak mo? (Hindi.) Kaya ano ngayon ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos? Nakapasok ka na ba sa tamang landas? Ang iyong pananampalataya sa Diyos ay sa anyo at salita lamang. Nananalig ka at kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at kinikilala mo na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang Kataas-taasang Kapangyarihan, subalit hindi mo pa tinatanggap sa diwa mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o ang mga pamamatnugot ng Diyos, at hindi mo kayang maging lubusang kaayon ng Diyos. Ibig sabihin, ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pa lubos na nagkakatotoo. Bagama’t nananalig ka sa Diyos, hindi mo pa naiwawaksi ang iyong katiwalian at hindi mo pa natatamo ang kaligtasan, at hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad na dapat mong pinasukan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang pagkakamali. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay.
Ngayon, nararamdaman ba ninyo sa inyong puso na mahalagang maunawaan ang salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan? (Nararamdaman namin.) Alam ninyong lahat na mahalagang isagawa ang katotohanan, subalit hindi ito isang simpleng bagay na madaling gawin kundi puno ito ng paghihirap. Paano ito maaayos? Dapat kang lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin tuwing may mga paghihirap na dumarating sa iyo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, upang maayos mo ang iyong mga sariling paghihirap, upang maayos mo ang iyong mga sariling kahinaan at ang mga paghihirap sa iyong panlabas na kapaligiran, at upang maisakatuparan mo ang pagsasagawa ng katotohanan. Sa pagdanas nito, magkakaroon ka ng pag-asang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung higit mong naunawaan ang katotohanan at naisasagawa mo rin ang katotohanan, maaari kang maging isang taong sumusunod sa landas ng Diyos, at dahil dito, sasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananampalataya. Kung sinasabi mong kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at naniniwala kang Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ang Lumikha, subalit walang anuman sa iyong buhay ang nauugnay sa katotohanan, sa mga hinihingi ng Diyos, o sa dapat gawin ng isang nilikha, hindi ba’t ang iyong kahihinatnan sa huli ay magiging mapanganib? Maaari bang lumapit sa Diyos ang isang taong walang kinalaman sa mga bagay na ito? Sinasabi mo na kaya mong lumapit sa Diyos, subalit sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pananampalataya na gaya ng sa iyo? Hindi Niya ito sinasang-ayunan, at ano ang ibig sabihin niyan? Ibig sabihin ay hindi kinikilala ni kailangan ng Diyos ang isang nilikha na tulad mo. Kung hindi kinikilala at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang iyong pananampalataya, maaari bang sang-ayunan ka Niya bilang tao? (Hindi Niya ito magagawa.) Ito ang wakas: Hindi ka ililigtas ng Diyos, at napagpasyahan na ang iyong kahihinatnan! Ito ba ang nais ninyong kahihinatnan para sa sarili ninyo? (Hindi ito.) Anong uri ng kahihinatnan ang nais ninyo? (Ang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.) Upang sang-ayunan ka ng Diyos, ano ang dapat mong unang maunawaan? Ano ang dapat mong unang pasukin? Una sa lahat, dapat mong malaman kung ano ang nakalulugod sa Diyos na gawin ng mga tao at kung ano ang nakasusuklam sa Kanya na gawin ng mga tao. Ibuod mo muna ang mga bagay na ito, upang malinaw mong maunawaan ang mga ito; pagkatapos, kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, malalaman mo kung paano kumilos. Ganoon iyon kasimple. Madali bang ibuod ang gayong mga bagay? Napakadali nito. Sa mga gumawa ng masama at itiniwalag dati, ibuod mo ang mga bagay na kanilang ginawa na kinasusuklamna ng Diyos, ibuod mo ang mga aral na itinuro ng kanilang mga kabiguan, at huwag mong gawin ang alinman sa masasamang bagay na iyon. Pagkatapos, ibuod mo ang mabuting asal ng mga kinalugdan ng Diyos, at pag-ibayuhin mong gawin ang mga bagay na iyon. Sa ganitong paraan, makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kailangan mong alamin kung ano ang dapat gawin at isagawa upang lubos na makasunod sa mga layunin ng Diyos, at kailangan mong maunawaan sa iyong puso kung aling mga tao at bagay ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat, at aling mga tao at bagay ang kinalulugdan Niya nang higit sa lahat. Kailangan mong malaman kung paano makikita ang kaibahan sa pagitan ng mga ito, at pinakamabuti na uriin at ibuod mo ang mga ito upang magkaroon ka ng malinaw na pagkaunawa sa mga ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang magkaroon ka ng pamantayan at hangganang ito sa iyong puso. Sa pamamagitan ng prinsipyong ito, ng pamantayang ito, ng hangganang ito, magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay, at magagawa mo ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Kung wala ka ng prinsipyo at pamantayang ito, hindi ka magkakaroon ng katiyakan kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at hindi mo malalaman kung alin sa mga ginagawa mo ang masama, at alin ang mabuti. Maaaring sa pakiramdam mo ay hindi masama ang isang bagay, subalit sa paningin ng Diyos ay masama ito; o maaaring sa pakiramdam mo ay mabuti ang isang bagay, subalit sa paningin ng Diyos ay masama ito. Kung gagawin mo ang lahat ng bagay na ito, hindi ba’t mapanganib iyon? Kung sinasadya at walang tigil mong gagawin ang mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, at kaunting bagay lang na sinasang-ayunan ng Diyos ang ginagawa mo subalit iniisip mong napakarami na nang ginawa mo, hindi ba’t nalilito ka? Kung ang karamihan ng mga bagay na ginagawa mo ay itinuturing na masama sa paningin ng Diyos, maaari ka pa ba Niyang sang-ayunan? (Hindi na.) Kung alam mong hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang isang bagay, dapat mo ba itong gawin, o hindi na? (Hindi ko na dapat gawin.) Ang paggawa mo ba ng bagay na ito ay isang masamang gawa o isang mabuting gawa? (Isang masamang gawa.) Ano ang tawag kung kinikilala mo na ito ay isang masamang gawa at pagkatapos ay hindi mo na ito muling gagawin kailanman? Ang pagtalikod mo sa karahasan, na isang pagpapamalas ng tunay na pagsisisi. Kung alam mo na gumawa ka ng masama at tiyak ka na hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, dapat kang magkaroon ng nagsisising puso. Kung hindi ka nagninilay-nilay sa sarili mo at sa halip ay ipinagtatanggol at binibigyan mo pa ng katwiran ang iyong kasamaan, nasa panganib ka: Tiyak na ititiwalag ka, at hindi ka na magiging karapat-dapat na gumawa ng iyong tungkulin. Kaya ano ang prinsipyo na dapat na matutunan at ang landas na dapat na tahakin, sa paggawa ng tungkulin ng isang tao? Sa anong mga layunin dapat na magpatuloy ang isang tao, upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos? (Hanapin ang katotohanan at unawain ang layunin ng Diyos sa lahat ng bagay.) Alam ito ng lahat, ngunit alam man ito, maisasagawa ba ito? Kapag naunawaan na ninyo ito, maisasagawa na ba ninyo ito? (Hindi namin maisasagawa.) Ano ang magagawa ninyo kung gayon? Kailangan ninyong manalangin at sumandal sa Diyos, kailangan ninyong magdusa para sa katotohanan at isantabi ang inyong mga ambisyon, pagnanasa, hangarin, at kaginhawahan ng laman. Kung hindi mo isinasantabi ang mga ito subalit nais mo pa ring makamit ang katotohanan, hindi ba’t nangangarap ka lang? Nais ng ilang tao na kapwa maunawaan at makamit ang katotohanan; nais nilang igugol ang kanilang sarili sa Diyos, ngunit hindi nila kayang bitiwan ang anumang bagay. Hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga kinabukasan, hindi nila kayang bitiwan ang mga kaginhawahan ng laman, hindi nila kayang bitiwan ang buklod ng kanilang pamilya, ang kanilang mga anak at ang kanilang mga magulang, hindi rin nila kayang bitiwan ang kanilang mga layunin, mga mithiin, o mga ninanasa. Anuman ang nangyayari sa kanila, lagi nilang inuuna ang kanilang sarili, ang kanilang kapakanan, at ang kanilang mga makasariling ninanasa, at inihuhuli nila ang katotohanan; nauuna ang pagbibigay-kasiyahan sa mga interes ng laman at sa kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon, at ang pagsasagawa ng salita ng Diyos at ang pagpapalugod sa Diyos ay pangalawa at nasa huli. Makukuha ba ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Maaari pa ba silang makapasok sa katotohanang realidad, o matugunan ang mga layunin ng Diyos? (Hindi nila iyon magagawa kailanman.) Pagsunod ba sa landas ng Diyos kung sa panlabas ay ginawa mo ang iyong tungkulin at hindi ka naging tamad, subalit ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi naayos kahit kaunti? (Hindi.) Nauunawaan ninyong lahat ang mga bagay na ito, subalit pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan, ito ay mahirap na gawain. Ang iyong pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay dapat gamitin sa pagsasagawa ng katotohanan, hindi sa pagsunod sa mga patakaran at proseso. Sulit ito kahit gaano ka pa nagdurusa para sa katotohanan, at ang paghihirap na dinaranas mo sa pagsasagawa ng katotohanan upang mapalugod ang mga layunin ng Diyos ay katanggap-tanggap sa Kanya at sinasang-ayunan Niya.
Ano ang mga suliranin na hinaharap ninyo ngayon? Ang isa ay hindi ninyo nauunawaan ang mga detalye ng maraming katotohanan, at wala kayong pamantayan sa inyong puso upang mapag-iba-iba ang mga ito; bukod pa rito, mahirap isakatuparan ang mga katotohanang nauunawaan ninyo. Ipagpalagay na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap sa simula, pero habang mas isinasagawa mo ito, nagiging mas madali ito; habang isinasagawa mo ito, mas hindi nananaig ang iyong tiwaling disposisyon; ang katotohanan ang mas lalong nangingibabaw, gayundin ang kalooban na isagawa ang katotohanan; ang kalagayan mo ay mas lalo pang nagiging normal; at ang mga makasariling pagnanais ng laman at ang iyong mga pantaong ideya ay unti-unting hindi na nananaig. Ito ay normal, at may pag-asa na makakamit mo ang pagtanggap ng Diyos. Ngunit paano kung matagal ka nang nagsasagawa ng katotohanan, subalit nangingibabaw pa rin ang iyong mga interes, mga makasariling pagnanasa, mga layunin, at tiwaling disposisyon sa bawat aspekto at detalye ng iyong buhay. Mahirap pa rin sa iyo ang pagsasagawa ng katotohanan, at kahit na ginagawa mo ang iyong tungkulin, karamihan sa iyong ginagawa ay walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba ninyo naiisip na ito ay mapanganib? Tiyak na magiging gayon nga! Sa alinmang simbahan ka nabibilang o anuman ang kapaligiran mo, hindi importante ang mga bagay na ito. Ang mahalaga ay kung ang iyong kalagayan sa paghahangad ng katotohanan ay patuloy na bumubuti, kung ang iyong relasyon sa Diyos ay patuloy na nagiging normal, kung ang iyong konsensiya, katwiran, at pagkatao ay patuloy na nagiging normal, at kung ang iyong pagkamatapat at pagpapasakop sa Diyos ay patuloy na lumalago. Kung ang mga positibong bagay sa iyo ay patuloy na dumarami at nananaig, may pag-asa na makakamit mo ang katotohanan. Kung wala kang nakikitang anumang palatandaan ng mga positibong bagay na ito sa iyo, wala kang katiting na paglago, at wala kang kahit isang pagbabago sa iyong disposisyon. Paano ka magkakaroon ng buhay pagpasok kung hindi ka nagsasagawa ng katotohanan sa anumang paraan? May mga taong nagsasabi, “Isinagawa ko ito at nagsikap ako. Bakit wala akong nakikitang mga bunga?” Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng mga bunga? Ang ibig sabihin nito ay hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Kahit ilang beses mo itong sinubukang isagawa, ang huling kahihinatnan ay patuloy ka pa ring napapagtagumpayan ng iyong tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, na nangangahulugan na hindi mo ginagamit ang katotohanang realidad at ang salita ng Diyos upang mapagtagumpayan ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Maaari bang sabihin ito sa ganyang paraan? (Maaari.) Kaya ikaw ba ay isang mananagumpay o isang biguan? (Isang biguan.) Ito ay pagiging isang biguan, hindi pagiging isang mananagumpay. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, may labanan sa iyong puso. Hindi mo kayang isantabi ang iyong mga hangarin, subalit nauunawaan mo ang sinasabi ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Sa proseso ng paglalaban, isinasantabi mo ang katotohanan; hindi mo ito isinasagawa. Sa huli, binibigyan mo ng kasiyahan ang mga sarili mong sakim na pagnanasa, inihahayag mo ang iyong tiwaling disposisyon, at ang iyong ipinamumuhay ay ang iyong satanikong kalikasan nang hindi isinasagawa ang katotohanan. Kaya ano ang pangwakas na kahihinatnan? (Ang mabigo.) Paano kung hindi mapagwagian ang labanan sa huli, at nabubuhay ka ayon sa iyong satanikong disposisyon gaya ng dati: Pinili mong hindi magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, ang iyong mga personal na interes ang nauuna, binibigyan mo ng kasiyahan ang iyong mga pagnanasa at pagkamakasarili subalit hindi mo pinalulugod ang Diyos, at hindi ka pumapanig sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay ikaw ay isang ganap na biguan, at ito ay isang uri ng resulta ng isang labanan. Ano ang iba pang uri ng resulta ng isang labanan? Kapag may mga pangyayaring dumarating sa kanila, ang mga tao ay may mga panloob na labanan din. Sila ay hindi mapalagay, nasasaktan, at mahina, kahit ang kanilang dangal at pagkatao ay nasusubok, at ang kanilang banidad ay hindi nabibigyan ng kasiyahan. Bukod pa rito, sila ay nahaharap sa pagpupungos, o sila ay hinahamak ng iba, o sila ay ipinapahiya, nawawala pareho ang kanilang dangal at pagkatao. Subalit kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon, maaari silang manalangin sa Diyos, at matapos nilang gawin ito, ang kanilang puso ay napapalakas, at nakikita nila ang mga bagay na ito nang malinaw sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Isasagawa nila ang katotohanan nang may kahanga-hangang lakas, matatag sa kanilang paninindigan. “Hindi ko nais ang anumang reputasyon, katayuan, o banidad. Kahit na ako ay hinahamak at hindi nauunawaan ng iba, sa ngayon ay pinipili kong palugurin ang Diyos at pinipili kong isagawa ang katotohanan, upang ako ay tanggapin ng Diyos at malugod Siya sa akin sa usaping ito, at upang hindi ko saktan ang puso ng Diyos.” Sa wakas ay isasantabi nila ang kanilang reputasyon at banidad, ang kanilang mga layunin, ang kanilang mga ambisyon at pagkamakasarili, at pagkatapos ay titindig sa panig ng Diyos, sa katotohanan, at sa katarungan. Matapos isagawa ang katotohanan, ang kanilang mga puso ay nasisiyahan, mapayapa, at puno ng kagalakan. Nararamdaman nila ang pagpapala ng Diyos at nadarama nila na mabuti ang magsagawa ng katotohanan; sa pagsasagawa ng katotohanan, ang kanilang mga puso ay nakakakuha ng kasiyahan at kalinga, at nadarama nila na sila ay nabubuhay na parang mga tao, sa halip na kinokontrol at bihag ng kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon. Sa pagpapatotoo sa Diyos at sa pagtindig nang matatag sa patotoo at posisyon na nararapat sa isang nilikha, nadarama nila ang katiwasayan ng isip, kasiyahan, at kaligayahan sa kanilang puso. Ito ay isa pang uri ng kahihinatnan. Ano ang isang kahihinatnan na tulad nito? (Ito ay mabuti.) Subalit madali bang makamit ang “mabuti” na ito? (Hindi.) Ang “mabuti” na ito ay kailangang mapanalunan sa pamamagitan ng isang proseso ng labanan, at maaaring sa labanan, ang mga tao ay mabigo nang isa o dalawang beses. Subalit ang kabiguan ay may mga dala ring aral: Ipinaparamdam nito sa mga tao ang bigat sa kanilang konsensiya ng hindi pagsasagawa ng katotohanan, na sila ay may utang sa Diyos, at na ang kanilang puso ay nakararanas ng pagdurusa at kirot. Kapag naharap sa gayong mga pangyayari sa susunod, mas bubuti nang bubuti ang mga tao sa pagtatagumpay sa kanilang mga sataniko at tiwaling disposisyon nang hindi namamalayan; unti-unti, lubos nilang pipiliin na isagawa ang katotohanan upang mapalugod ang puso ng Diyos. Ito ang normal na proseso sa pagtatagumpay sa sataniko at tiwaling disposisyon at sa pagsasagawa ng katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos.
Ngayon, nahihirapan ba kayo na isagawa ang katotohanan? O mahirap gawin ang ayon sa inyong kagustuhan, hindi ang pagsasagawa ng katotohanan? (Ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap.) Paano naman ang paggawa ng ayon sa kagustuhan ninyo? (Madali iyon.) Inihahayag nito ang tunay na kalagayan ninyo: Walang kahit isa sa inyo ang nagbago, at hindi pa rin ninyo maisagawa ang katotohanan. Kahabag-habag ang gayong kalagayan! Nararamdaman ninyong lahat na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap at ang paggawa ng mga bagay ayon sa inyong kagustuhan ay madali, na nagpapatunay na hindi pa rin ninyo maisagawa ang katotohanan. Para sa inyo, naging likas na ang sundin ang mga nais ng laman; nakasanayan na ninyo ito na parang isa itong batas, at kaya naman pakiramdam ninyo na napakahirap ang pagsasagawa ng katotohanan: Lagi kayong takot na dumanas ng pinsala sa inyong respeto sa sarili at katayuan, kaya hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan, bagkus ay kumikilos ayon sa inyong mga sariling ideya. Sa isang kaisipan, ang isang tao ay nagiging isang duwag, isang kabiguan na bihag ng kanyang sataniko at tiwaling disposisyon, at nawawala ang kanyang patotoo at ang pagsang-ayon ng Diyos. Ganyan ito kadali. Pero ganoon din ba kadali na maging isang tao na nagsasagawa ng katotohanan at nagbibigay ng patotoo sa Diyos? May kailangang proseso para rito. Kapag tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, palaging mayroong pakikibaka sa kanyang isipan, na ang mga bagay ay pumapanig sa ganitong landas sa isang pagkakataon, at sa ibang landas sa susunod. Mayroong tuloy-tuloy na panloob na labanan, at sa wakas, ang labanang ito ay humahantong sa isang konklusyon: Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay isinasagawa ito, nagpapatotoo, at nagiging mga mananagumpay; ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay may labis na katigasan ng ulo, labis na kulang sa pagkatao, mababa ang karakter at kasuklam-suklam—pinipili ng gayong mga tao na bigyan ng kasiyahan ang kanilang sariling kasakiman at mga pagnanasa, at lubos na kontrolado ng kanilang sataniko at tiwaling disposisyon. Kapag may mga nangyayaring bagay-bagay sa inyo sa mga pang-araw-araw na buhay ninyo, nagtatagumpay ba kayo laban sa inyong sataniko at tiwaling disposisyon? O kayo ba ay nagiging bihag at kinokontrol nito? Ano ang uri ng kalagayan ninyo, kadalasan? Batay dito, pwedeng masukat kung ikaw ba ay isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong madalas na mapagtagumpayan ang sataniko at tiwaling disposisyon mo at maging isang taong nagbibigay ng patotoo, ikaw ay nagsasagawa at nagmamahal sa katotohanan. Kung kadalasan ay binibigyan mo ng kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanasa, at hindi mo magawang mapagtagumpayan ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon at tumayo sa panig ng katotohanan, upang isagawa ang katotohanan at mapalugod ang Diyos, hindi mo isinasagawa ang katotohanan at wala sa iyo ang katotohanang realidad. Maliwanag na ang mga hindi nagtataglay ng katotohanang realidad ay ang mga nananalig sa Diyos ngunit walang buhay pagpasok. Kaya sukatin ninyo ang inyong sarili: Tumatayo ba kayo sa panig ng laman, kadalasan? O tumatayo kayo sa panig ng katotohanan? Ang maliliit na bagay na hindi kinapapalooban ng katotohanan ay hindi kabilang, ngunit kapag may malalaking pangyayari na nangangailangan ng iyong pagpili, tumatayo ka ba sa panig ng katotohanan, o tumatayo ka sa panig ng laman? (Sa simula, tumatayo kami sa panig ng laman; ngunit pagkatapos ng isang labanan, tumatayo kami sa panig ng katotohanan, kapag naintindihan na namin ang ilan sa katotohanan sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap.) Tamang sabihin na maaaring tumayo sa panig ng katotohanan ang isang tao kapag naunawaan na niya ang katotohanan, ngunit ang magrebelde sa laman ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Hindi mo isinasagawa ang katotohanan sa pamamagitan ng pagrerebelde sa laman at sa hindi mo paggawa sa gusto mo; bagkus, upang isagawa ang katotohanan, kailangan mong sundin at isagawa ang mga prinsipyo ng katotohanan. Kaya, ano ang mga karaniwan ninyong sitwasyon? (Ang tinatawag naming paglaban sa laman ay hindi tunay na pagsasagawa ng katotohanan; ito ay talagang pagsasanay sa pagpipigil sa sarili.) Tila ganito ang kaso para sa karamihan ng tao, hindi ba? (Ganito nga.) Ano ngayon ang kalagayan ninyo, sa kasalukuyan? Papasok pa lang ba kayo sa mga katotohanang realidad? (Oo.) Ang manalig sa Diyos nang walang buhay pagpasok ay nangangahulugang hindi pa kayo pumapasok sa katotohanang realidad; iyan ang kalagayan na inyong kinatatayuan, kaya maraming bagay na hindi ninyo makilala. Bakit hindi ninyo makilala ang mga ito? Ito ay dahil ilang salita at doktrina lamang ang inyong naunawaan, ngunit hindi pa ninyo naunawaan ang katotohanan at hindi pa kayo pumasok sa realidad, kaya wala kayong karanasan sa maraming kalagayan. Hindi pa ninyo napagdaanan ang mga ito, kaya hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw. Ganyan iyan. Anuman ito, kailangan mo itong maranasan para sa sarili mo, at kapag naranasan mo na ito, malalaman mo kung ano ang mga detalye. Ang iyong mga damdamin, kaisipan, at ang proseso ng iyong karanasan ay magtataglay lahat ng mga detalye, at ang mga detalyeng ito ay mga bagay ng realidad. Kung wala ang mga ito, mababaw lamang ang iyong kaalaman, kaya inuulit mo ito gaya ng isang loro. Ang mababaw na kaalaman ay nangangahulugang huminto ka sa literal na pang-unawa, hindi mo ito ginawang sa iyo, at malayo ka pa sa pagpasok sa katotohanang realidad. Maaari ba itong sabihin sa ganitong paraan? (Maaari.) Dapat kayong magsagawa alinsunod sa pagbabahaginan ngayon, at kailangan ninyong matutong magnilay-nilay. Upang isagawa ang katotohanan, kailangan din ninyong magnilay-nilay, at sa pagninilay-nilay habang nagsasagawa at sa pagsasagawa habang nagninilay-nilay, higit ninyong mauunawaan ang mga detalye ng katotohanan, lalo pang magiging malalim ang iyong kaalaman sa katotohanan, at sa ganitong paraan, tunay mong mararanasan kung ano ang katotohanang realidad. Tanging kapag natutunan at naranasan mo ito na maaari mong taglayin ang katotohanang realidad.
Sipi 17
Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap, pero bakit may ilang taong naisasagawa ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal ba ng taong iyon ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na iyong mga nagsasagawa ng katotohanan ay mga taong may mabuting pagkatao. Tama ang pahayag na ito. May ilang tao na may mabuting pagkatao at nakapagsasagawa ng ilang katotohanan. Gayunpaman, ang pagkatao ng ilang tao ay kulang, at mahirap para sa kanila na magsagawa ng katotohanan, na nangangahulugang kailangan nilang magdusa kahit papaano upang magawa ito. Sabihin mo sa Akin, ang isang tao bang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naghahanap ng katotohanan sa mga kilos niya? Hindi niya talaga ito hinahanap. Gumagawa siya ng mga pansariling intensyon at iniisip niyang ang pagsasagawa ng mga ito ay magiging mabuti at para sa sarili niyang interes, kaya’t kumikilos siya ayon sa mga intensyon niyang ito. Ang dahilan kung bakit hindi siya naghahanap ng katotohanan ay dahil mayroong mali sa kanyang puso, ang puso niya ay hindi tama. Hindi siya naghahanap, hindi nagsusuri, ni nagdarasal sa harap ng Diyos; basta matigas ang ulo niya na kumikilos ayon sa kanyang sariling mga inaasam. Ang ganitong uri ng tao ay basta walang pagmamahal sa katotohanan. Wala man siyang pagmamahal sa katotohanan, maaari siyang gumawa ng ilang partikular na bagay na naaayon sa mga prinsipyo at mga bagay na hindi lumalabag sa mga prinsipyo. Gayunpaman, ang gayong kawalan ng paglabag ay hindi nangangahulugang hinanap niya ang mga layunin ng Diyos. Masasabing nagkataon lamang ito. Ginagawa ng ilang tao ang ilang bagay sa nakalilito at basta-bastang paraan nang hindi naghahanap, pero pagkatapos ay nasusuri naman nila ang kanilang sarili. Kapag natuklasan nila na ang paggawa ng mga gayong bagay ay hindi tugma sa katotohanan, iiwasan na nilang gawin ang mga ito sa susunod. Maaari itong ituring na pagkakaroon ng kaunting sukatan ng pagmamahal sa katotohanan. Ang ganitong uri ng indibidwal ay may kakayahang sumailalim sa isang antas ng pagbabago. Yaong mga walang pagmamahal para sa katotohanan ay hindi maghahanap dito sa sandaling ito, ni magsusuri ng kanilang mga sarili pagkatapos. Hindi nila kailanman sinusuri kung ang mga bagay-bagay na ginagawa nila ay tama o mali sa huli, kaya palagi nilang nilalabag ang mga prinsipyo at ang katotohanan. Gumawa man sila ng isang bagay na hindi lumalabag sa mga prinsipyo, hindi ito nakaayon sa katotohanan, at ang tinatawag na hindi paglabag na ito sa mga prinsipyo ay usapin lamang ng diskarte. Kung gayon, ano nga ba ang kalagayan ng ganitong klase ng tao kapag kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang kagustuhan? Hindi sila kumikilos sa isang tuliro at magulong kalagayan, at hindi rin naman na para bang hindi malinaw sa kanila kung ang ganitong pagkilos ay talagang naaayon sa katotohanan o hindi. Hindi ito ang sitwasyong kinasasangkutan nila; sa halip, sutil silang patuloy na kumikilos ayon sa mga sarili nilang kagustuhan; nakatuon na ang kanilang pag-iisip sa pagkilos sa gayong paraan, na lubhang walang intensyon na hanapin ang katotohanan. Kung talagang hinahanap nila ang mga layunin ng Diyos, bago pa man nila lubusang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, isasaalang-alang na nila ang mga sumusunod na hakbang ng pagkilos: “Gagawin ko muna ito sa ganitong paraan. Kung umaayon ito sa katotohanan, magpapatuloy ako sa ganitong paraan; kung hindi ito umaayon sa katotohanan, agad ko itong aayusin at titigil ako sa pagkilos sa gayong paraan.” Kung mahahanap nila ang katotohanan sa ganitong paraan, magagawa nilang magbago balang-araw. Kung wala ang intensyon na ito, hindi sila magbabago. Ang isang taong may puso ay nakakayanan lamang gumawa ng isang pagkakamali nang isang beses kapag may gawaing isinasakatuparan, pinakamarami na ang dalawa—isa o dalawa, hindi tatlo o apat na beses, ito ay normal na katwiran. Kung nakakayanan nilang makagawa ng parehong pagkakamali nang tatlo o apat na beses, ito ay nagpapatunay na wala silang pagmamahal para sa katotohanan, ni hinahanap nila ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi isang indibidwal na may pagkatao. Kung pagkatapos nilang magkamali ng isa o dalawang beses ay walang reaksyon sa puso nila, walang pagkabagabag sa kanilang konsiyensiya, magkakamali ulit sila sa parehong paraan nang tatlo o apat na beses, at sadyang hindi na magbabago ang gayong uri ng tao; ganito na talaga sila—ganap na hindi matutubos. Kung pagkatapos nilang magkamali nang isang beses ay maramdaman nila na may mali sa nagawa nila, at lubha nilang kinapopootan ang kanilang sarili dahil dito at makaramdam sila ng pagkakonsiyensiya sa kanilang puso; kung magkaroon sila ng ganitong kalagayan, sila ay kikilos nang mas maayos kapag muling naharap sa mga parehong bagay, at unti-unti na silang hindi gagawa ng parehong uri ng pagkakamali. Kahit na gustuhin nila ito sa kanilang puso, hindi na nila ito gagawin. Ito ay isang aspeto ng pagbabago. Marahil ay sasabihin mo: “Hindi mababago ang aking tiwaling disposisyon.” Totoo bang hindi ito mababago? Ikaw lang naman talaga ang ayaw magbago. Kung handa kang magsagawa ng katotohanan, hindi mo pa rin ba magagawang magbago? Walang tibay ng loob ang mga taong nagsasabi nito. Lahat sila ay kasuklam-suklam na ubod ng sama. Hindi sila handang magtiis ng pagdurusa. Hindi nila gustong isagawa ang katotohanan; sa halip ay sinasabi nila na hindi sila kayang baguhin ng katotohanan. Hindi ba’t lubhang mapanlinlang ang gayong uri ng tao? Hindi niya maisagawa ang katotohanan, may depekto ang pagkatao niya, pero hindi niya kilala ang sarili niyang kalikasan. Madalas niyang pinagdududahan kung kaya nga ba ng gawain ng Diyos na gawing ganap ang tao o hindi. Ang gayong tao ay walang balak na ibigay ang puso niya sa Diyos kailanman, walang planong magtiis ng hirap kailanman. Kaya lamang siya nananatili rito ay dahil nagbabakasakali siyang magkamit ng magandang kapalaran sa hinaharap. Walang pagkatao ang ganitong uri ng tao. Kung isa siyang taong mayroong pagkatao, hindi man lantad na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanya, at mayroong siyang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, makagagawa ba siya ng mga maling gawa? Ang isang taong may pagkatao, gumagawa man o hindi ang Banal na Espiritu sa kanya, ay hindi makagagawa ng mga maling gawa. Ang ilang tao na walang pagkatao ay makagagawa lamang ng ilang mabubuting gawa sa ilalim ng kondisyon na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa kanila. Kung wala ang paggawa ng Banal na Espiritu sa kanila, malalantad ang kalikasan nila. Sino nga ba ang palaging maaaring magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu? Ang ilan sa mga walang pananampalataya ay may mabuting pagkatao, at hindi rin gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, pero hindi sila gumagawa ng anumang partikular na masasamang gawain. Kung nananalig ka sa Diyos, paano ka makagagawa ng masasamang gawain? Ipinapakita nito ang problema ng kalikasan ng tao. Kung hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, nalalantad ang kalikasan ng mga tao. Kapag gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, aantigin sila nito, na bibigyan ang mga tao ng kaliwanagan at pagtanglaw, at bibigyan sila ng isang bugsong lakas upang makapagsagawa sila ng ilang mabuting gawa. Sa sitwasyong ito, hindi ito isang usapin kung mabuti ba ang kanilang kalikasan, kundi usapin ng mga resulta na nakamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Pero kung hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, gusto ng mga tao na sumunod sa mga sarili nilang kagustuhan, na humahantong sa paggawa nila ng ilang masamang bagay nang hindi nila namamalayan. Sa sandaling iyon lang mabubunyag ang tunay nilang kalikasan.
Paano nga ba malulutas ang kalikasan ng mga tao? Nagsisimula ito sa pag-unawa sa diwa ng kalikasan ng tao, na dapat suriin ayon sa mga salita ng Diyos upang makita kung ito ay positibo o negatibo, at kung ito ay lumalaban o nagpapasakop sa Diyos. Dapat itong gawin ng isang tao hanggang sa mapagtanto niya ang kanyang kalikasang diwa, at pagkatapos ay tunay na niyang kapopootan ang kanyang sarili at siya ay makapaghihimagsik laban sa kanyang laman. Kasabay nito, dapat maunawaan ng isang tao ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos. Ano ang mithiin mo sa paghahangad sa katotohanan? Dapat kang magkamit ng mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Kapag nagbago na ang disposisyon mo, makakamit mo ang katotohanan. Sa tayog mo ngayon, paano mo mapipigilan ang sarili mo sa paggawa ng masama, paglaban sa Diyos, o paggawa ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan? Kung gusto mong magbago, dapat mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Upang labanan ang problema ng pagkakaroon ng masamang kalikasan, dapat mong unawain kung aling mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka at kung ano ang kaya mong gawin. Dapat mong unawain kung anong mga remedyo ang dapat gawin at kung paano isagawa ang mga ito upang makontrol ang iyong masamang kalikasan. Ito ang pangunahing isyu. Kapag may kalituhan sa isip mo o kadiliman sa kaluluwa mo, alam mo dapat kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, kung paano gampanan ang iyong mga tungkulin nang maayos, at kung paano tahakin ang tamang landas. Dapat kang magtatag ng isang prinsipyo para sa sarili mo. Nakasalalay ito sa kalooban ng isang indibidwal at kung siya ba ay isang taong nagnanais sa Diyos o hindi. May isang taong madalas uminit ang ulo. Gumawa siya ng plake at isinulat dito ang mga salitang, “Timpiin Mo ang Galit Mo.” Pagkatapos, isinabit niya ito sa dingding ng kanyang opisina bilang paraan para pigilan ang kanyang sarili at bilang babala sa kanyang sarili. Marahil ay nakatulong ito nang kaunti, pero kaya ba nitong ganap na lutasin ang problema? Talagang hindi. Sa kabila nito, dapat pigilan ng mga tao ang kanilang sarili. Nasa unahan ang pangangailangang lutasin ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang malutas ang mga problema sa kanilang kalikasan, dapat muna nilang kilalanin ang kanilang sarili. Tanging sa malinaw na pagtingin sa diwa ng kanilang tiwaling disposisyon nila magagawang kapootan ang kanilang sarili at maghimagsik laban sa laman. Ang paghihimagsik laban sa laman ay nangangailangan din ng pagkakaroon ng mga prinsipyo. Maaari bang maghimagsik ang isang tao laban sa laman kung siya ay naguguluhan? Sa sandaling makaranas siya ng problema, siya ay bibigay sa laman. Maaaring mapahinto ang ilang tao kapag nakakita sila ng magandang babae; sa ganitong sitwasyon, dapat kang magtakda ng tuntunin para sa iyong sarili. Kapag nilapitan ka ng isang magandang babae, dapat ka bang lumayo o anong gagawin mo? Ano ang dapat mong gawin kung hinawakan niya ang kamay mo? Kung wala kang mga prinsipyo, magkakasala ka kapag naharap ka sa ganitong sitwasyon. Ano ang dapat mong gawin kapag natagpuan mo ang sarili mong nabubulag sa kasakiman kapag nakakakita ka ng pera at kayamanan? Dapat mong partikular na pag-isipan ang problemang ito, at pagtuunang sanayin ang iyong sarili upang malutas ito, at pagdating ng panahon, unti-unti ka nang makapaghihimagsik laban sa laman. Sa usapin ng paglutas ng isang tiwaling kalikasan, may isang prinsipyo na medyo mahalaga, at iyon ay, na dapat mong dalhin ang lahat ng iyong mga isyu sa harap ng Diyos at suriing maigi ang iyong sarili. Bilang karagdagan, bawat gabi, dapat mong suriin ang iyong mga kalagayan mula sa araw na iyon at suriing mabuti ang iyong sariling pag-uugali: Alin sa mga gawa mo ang ginawa ayon sa katotohanan at alin ang mga paglabag sa mga prinsipyo? Ito ay isa pang prinsipyo. Ang dalawang puntong ito ang pinakamahalaga. Hinggil sa una, dapat mong pagnilayan ang sarili mo kapag nabunyag ang iyong katiwalian. Hinggil sa pangalawa, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at hanapin ang katotohanan pagkatapos. Ang pangatlong punto ay kailangan mong maging malinaw sa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan at pagkilos nang may prinsipyo. Kung kaya mong tunay na maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa mo nang tama ang mga bagay. Kung susundin mo ang tatlong prinsipyong ito, mapipigilan mo ang sarili mo, na pipigil sa iyong maglantad o magpamalas ng iyong tiwaling kalikasan. Ito ang mga pangunahing prinsipyo sa paglutas ng kalikasan mo. Gamit ang mga prinsipyong ito, kung magsisikap ka patungo sa katotohanan at mananatili sa normal na kalagayan kahit na hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o matagal mang walang nagbibigay ng pagbabahagi sa iyo, ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at naghihimagsik laban sa laman. Yaong mga laging umaasa sa iba upang magbahagi ng katotohanan at pungusan ang kanilang sarili ay mga alipin. Ang mga gayong tao ay may kapansanan at hindi kayang mabuhay nang mag-isa. Yaong mga kumikilos nang walang mga prinsipyo ay walang ingat na kikilos at mawawalan ng kontrol sa kanilang sarili kung hindi sila pupungusan o babahaginan sa loob nang ilang panahon. Paano mapapanatag ng gayong tao ang Diyos? Kaya, dapat kang sumunod sa tatlong prinsipyong ito upang malutas ang problema ng kalikasan. Pipigilan ka ng mga ito na gumawa ng malulubhang paglabag at titiyaking hindi mo lalabanan o ipagkakanulo ang Diyos.
Sipi 18
Maraming tao ang nagbanggit ng parehong problema: Pagkatapos makinig sa pagbabahagi mula sa Itaas, naliliwanagan sila at sumisigla ang kanilang pakiramdam at hindi na sila negatibo. Gayunman, nagtatagal lamang ang kondisyong ito nang may sampung araw at nagiging abnormal muli, at nawawalan sila ng lakas. Hindi nila alam kung paano magpapatuloy at ano ang gagawin. Ano ang problemang ito? Ano ang ugat nito? Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang tungkol dito? Sabi ng ilan, ang ugat ay ang hindi pagtuon ng mga tao sa katotohanan. Kung gayon, paanong nangyayari na nasa normal kang kalagayan pagkatapos mong makinig sa pagbabahagi? Bakit ka napakasaya at napakalaya pagkatapos mong marinig ang katotohanan? Sabi ng ilan, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gayon, bakit hindi na gumagawa ang Banal na Espiritu matapos ang may sampung araw? Sabi ng ilan, ito ay dahil hindi na sila nagpupursiging bumuti at naging tamad na sila. Kung gayon, bakit hindi pa rin gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong nagpupursiging bumuti? Hindi ba’t nagpupursigi ka ring bumuti? Bakit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu? Ang mga dahilang ibinibigay ng mga tao ay hindi tugma sa realidad. Ang problema ay gumagawa man o hindi ang Banal na Espiritu, hindi maaaring balewalain ang kooperasyon ng tao. Kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang maunawaan ito nang malinaw, lagi niyang mapananatili ang normal na kalagayan, ito man ay isang yugto kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu o hindi. Sa kabilang banda, kapag hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, kahit pa lubos niya itong nauunawaan at kahit pa labis na gumagawa ang Banal na Espiritu, ang katotohanang kanyang maisasagawa ay limitado pa rin. Maisasagawa lamang niya ang kaunting katotohanan sa maikling panahon na siya ay masaya. Kadalasan, kikilos pa rin siya ayon sa kanyang mga sariling kagustuhan, at madalas niyang maihahayag ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kung ang kondisyon ng isang tao ay normal ba at kung kaya ba niyang maisagawa ang katotohanan ay hindi ganap na nakasalalay sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi rin ito ganap na nakasalalay sa kung malinaw ba ang katotohanan sa taong iyon. Nakasalalay ito sa kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung handa ba siyang isagawa ito. Karaniwan, nakikinig ang isang tao sa mga sermon at pagbabahagi at, sa loob ng ilang panahon, ay masasabing normal ang kanyang kalagayan. Resulta ito ng pagkaunawa sa katotohanan; binibigyan ka ng katotohanan ng kamalayan sa sarili mong tiwaling kalikasan, nagiging masaya at malaya ang iyong puso, at napabubuti ang iyong mga kondisyon. Subalit matapos ang ilang panahon, maaaring bigla ka na lamang maharap sa isang bagay na hindi mo alam kung paano danasin, mas magdidilim ang iyong puso kaysa sa dati, at hindi mo mamamalayang naisantabi mo na pala ang katotohanan sa iyong isipan; hindi mo sinusubukang hanapin ang mga layunin ng Diyos sa iyong mga pagkilos, ginagawa mo ang lahat nang ayon sa iyong kagustuhan, at hindi mo man lamang nilalayong isagawa ang katotohanan. Sa paglipas ng panahon, nawawala sa iyo ang katotohanang minsan mo nang naunawaan. Lagi mong ipinakikita ang tiwali mong disposisyon, hindi mo hinahanap ang mga layunin ng Diyos kapag may mga bagay kang kinahaharap, at kahit kapag lumalapit ka sa Kanya, ginagawa mo lamang ito nang pabasta-basta. Sa sandaling mapagtanto mo iyon, napalayo na ang iyong puso sa Diyos, at nilabanan mo na Siya sa maraming bagay at nagwika ka na ng mga kalapastanganan laban sa Kanya. Ito ay labis na nakababahala. Matutubos pa rin ang mga taong hindi pa malayong nakapaglalakbay sa landas na ito, subalit ang mga nagawa nang lapastanganin ang Diyos at kalabanin Siya, makipagkompetensiya para sa posisyon, at para sa pagkain at damit, hindi na sila matutubos. Ang layon ng malinaw na pagbabahagi ng katotohanan ay upang mabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan at maisagawa ang katotohanan at magkaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Hindi lamang ito para maghatid ng liwanag at ng kaunting kaligayahan sa kanilang mga puso kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang saysay ang pagbabahaginan at pag-unawa sa katotohanan. Ano ang problema kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa? Patunay ito na hindi nila iniibig ang katotohanan, na sa kanilang mga puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kung magkagayon ay mapalalampas nila ang mga pagpapala ng Diyos at ang pagkakataong maligtas. Patungkol sa kung matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan o hindi, ang mahalaga ay kung matatanggap at maisasagawa nila ang katotohanan. Kung naisagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo, matatanggap mo ang kaliwanagan, pagtanglaw at paggabay ng Banal na Espiritu, at magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad, at makakamtan ang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at matatamo ang katotohanan, at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan, palagi silang nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng kaliwanagan o natatanglawan ng Banal na Espiritu, na hindi sila binibigyan ng lakas ng Diyos. Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ay nabubuo sa pundasyon ng pakikipagtulungan ng mga tao. Ang mga tao ay dapat maging matapat, at handang magsagawa ng katotohanan, at malalim man o mababaw ang kanilang pagkaunawa, dapat nilang maisagawa ang katotohanan. Saka lamang sila mabibigyang-liwanag at matatanglawan ng Banal na Espiritu. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa—kung hinihintay lamang nila ang Banal na Espiritu na kumilos at puwersahin sila na isagawa ito—hindi ba’t sukdulan ang kanilang pagiging pasibo? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gumawa ng kahit ano. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi sila handang isagawa ito, ipinapakita nito na hindi nila iniibig ang katotohanan, o na ang kanilang kalagayan ay hindi normal at tila ba mayroong hadlang. Ngunit kung nagagawa ng mga tao na manalangin sa Diyos, kikilos din ang Diyos; mawawalan lamang ng paraan na gumawa sa kanila ang Banal na Espiritu kung ayaw nilang isagawa ang katotohanan at hindi rin sila nagdarasal sa Diyos. Sa katunayan, anumang uri ng paghihirap ang mayroon ang mga tao, palagi itong maaaring malutas; ang susi ay kung nakapagsasagawa ba sila nang naaayon sa katotohanan o hindi. Sa kasalukuyan, ang mga problema ng katiwalian na nasa inyo ay hindi isang kanser, hindi ito isang sakit na walang lunas. Kung makapagpapasya kayong magsagawa ng katotohanan, matatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at magiging posible na magbago ang mga tiwaling disposisyong ito. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung makapagpapasya kang isagawa ang katotohanan, ito ang susi. Kung isinasagawa mo ang katotohanan, kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at tiyak na maaari kang maligtas. Kung ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas, maiwawala mo ang gawain ng Banal na Espiritu, ang isang maling hakbang ay hahantong sa isa pa, at magiging katapusan na ng lahat para sa iyo, at gaano man karaming taon kang magpatuloy na maniwala, hindi ka magkakamit ng kaligtasan. Halimbawa, kapag sila ay gumagawa, hindi kailanman iniisip ng ilang tao kung paano gawin ang gawain sa paraan na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos at naaayon sa mga layunin ng Diyos—ang resulta nito ay marami silang ginagawa na makasarili at ubod ng sama, na kasuklam-suklam at nakapopoot sa Diyos; at sa paggawa nito, sila ay nabunyag at natiwalag. Kung sa lahat ng bagay ay nagagawa ng mga tao na hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa katotohanan, nakapasok na sila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at kaya mayroon silang pag-asa na maging isang tao na nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Sa halip, naniniwala sila na ang katotohanan ay wala nang iba pa kundi ito, at wala silang kakayahang lutasin ang sarili nilang mga gawi at mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t katawa-tawa ang ganitong mga tao? Hindi ba’t kakatwa sila? Hindi ba’t umaasta silang alam na nila ang lahat? Kung nagagawa ng mga tao na kumilos ayon sa katotohanan, maaaring magbago ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung ang paniniwala at paglilingkod nila sa Diyos ay ayon sa sarili nilang likas na personalidad, wala ni isa sa kanila ang magkakaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Mayroong ilang tao na ginugugol ang buong araw na inaalala ang mga problemang dulot ng mga maling pagpili nila. Kahit nariyan na ang katotohanan, hindi nila ito pinag-iisipan man lang o sinusubukang isagawa, kundi ipinipilit nilang piliin ang sarili nilang landas. Napakakakatwang paraan ng pagkilos ito; tunay ngang ni hindi sila masiyahan sa mga pagpapala kapag taglay nila ang mga ito, at nakatakda silang magkaroon ng mahirap na kalagayan sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ganyan lang kasimple; ang mahalaga lang dito ay kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi. Kung isa kang tao na nagpasyang isagawa ang katotohanan, ang iyong pagiging negatibo, kahinaan, at tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas at mababago; depende ito kung iniibig ba ng puso mo ang katotohanan o hindi, kung nagagawa mo bang tanggapin ang katotohanan o hindi, kung kaya mo bang magdusa at magbayad ng halaga para matamo ang katotohanan o hindi. Kung talagang iniibig mo ang katotohanan, magagawa mong tiisin ang lahat ng uri ng sakit upang matamo ang katotohanan, maging ito man ay paninirang-puri, panghuhusga, o pagtanggi ng mga tao. Dapat mong tiisin ang lahat ng ito nang may pasensya at pagpapaubaya; at pagpapalain at poprotektahan ka ng Diyos, hindi ka Niya iiwan o pababayaan—sigurado ito. Kung nagdarasal ka sa Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, umaasa sa Diyos at nagtitiwala sa Diyos, walang bagay na hindi mo malalampasan. Maaaring mayroon kang tiwaling disposisyon, at maaaring lumalabag ka, ngunit kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at maingat mong tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, walang dudang makakapanindigan ka, at walang dudang maaakay at mapoprotektahan ka ng Diyos.
May ilang taong sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanan para lamang gumawa at mangaral, matustusan ang iba, hindi para lutasin ang kanilang sariling mga problema, lalong hindi para isagawa ang mga iyon. Ang kanilang pagbabahagi ay maaaring may dalisay na pagkaunawa at naaayon sa katotohanan, ngunit hindi nila inihahambing ang kanilang sarili roon, ni hindi nila isinasagawa o dinaranas iyon. Ano ang problema rito? Talaga bang natanggap na nila ang katotohanan bilang kanilang buhay? Hindi, hindi pa. Ang doktrinang ipinangangaral ng isang tao, gaano man iyon kadalisay, ay hindi nangangahulugan na taglay niya ang katotohanang realidad. Para masangkapan ng katotohanan, dapat munang mapasok niya iyon mismo, at isagawa iyon kapag nauunawaan niya iyon. Kung hindi siya magtutuon sa sarili niyang pagpasok, bagkus ay naroon lamang para magpasikat sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa iba, mali ang kanyang layunin. Maraming huwad na lider na ganito kung magtrabaho, walang tigil na nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa mga katotohanang nauunawaan nila, nagtutustos sa mga bagong mananampalataya, nagtuturo sa mga tao na isagawa ang katotohanan, na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na huwag maging negatibo. Ang mga salitang ito ay pawang maayos at mabuti—mapagmahal pa nga—ngunit bakit hindi isinasagawa ng mga tagapagsalita nito ang katotohanan? Bakit wala silang pagpasok sa buhay? Ano ba talaga ang nangyayari rito? Talaga bang mahal ng ganitong tao ang katotohanan? Mahirap sabihin. Ganito ipinaliwanag ng mga Pariseo ng Israel ang Bibliya sa iba, subalit hindi nila nagawang sundin mismo ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, narinig nila ang tinig ng Diyos ngunit nilabanan ang Panginoon. Ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Samakatuwid, lahat ng taong hindi tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan ay kokondenahin ng Diyos. Napakakahabag-habag nila! Kung ang mga salita at doktrinang ipinangangaral nila ay nakatutulong sa iba, bakit hindi ito nakatutulong sa kanila? Mabuti pang tawagin natin ang gayong tao na isang mapagpaimbabaw na walang realidad. Tinutustusan niya ang iba ng literal na kahulugan ng katotohanan, inuutusan ang iba na isagawa iyon, ngunit hindi niya ito isinasagawa mismo kahit kaunti. Hindi ba walang kahihiyan ang gayong tao? Wala siyang katotohanang realidad, subalit sa pangangaral ng mga salita at doktrina sa iba, nagkukunwari siyang mayroon siya niyon. Hindi ba’t sadyang panlilihis at pamiminsala ito ng mga tao? Kung ibubunyag at ititiwalag ang gayong tao, sarili lang niya ang masisisi niya. Hindi siya nararapat kaawaan. Kaya bang makamit ng isang taong nangangaral lamang ng mga salita at doktrina, ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, ang tunay na pagbabago? Hindi ba nila dinaraya ang iba at pinipinsala ang kanilang sarili? Ang paghahangad sa katotohanan ay ganap na tungkol sa paggawa. Ang layunin ng pagsasagawa sa katotohanan ay ang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao at isabuhay ang tunay na wangis ng tao, subalit hindi nila nakikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon o ginagamit ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga paghihirap. Kahit gaano nila diligan, tustusan, o suportahan ang iba, hindi nila kailanman makakamit ang mga aktuwal na resulta dahil wala silang landas sa buhay pagpasok o mabago ang kanilang disposisyon. Kung hindi nalulutas ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan ang mga paghihirap o mga problema ng mga tao, hindi ba’t nagwiwika lamang sila ng mga salita at doktrina na kaaya-aya sa tainga subalit walang pakinabang? Kung gusto ninyong magkamit ng pagbabago sa inyong disposisyon, dapat ay pagtuunan muna ninyo ang pagsasagawa at pagdanas sa mga salita ng Diyos. Kahit ano pang mga aspekto ng katotohanan ang inyong nauunawaan, dapat pagtuunan ninyo ang pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa at karanasan ninyo sa katotohanan na matutuklasan ninyo ang mga problema, at sa partikular, na mapapansin ninyo kapag naipapakita ang inyong mga tiwaling disposisyon. Kung kaya ninyong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang ito, makapapasok kayo sa katotohanang realidad, at magbabago ang inyong buhay disposisyon. Pagkatapos ay magkakaroon ka na ng isang landas kapag tinatalakay ninyo ang pagsasagawa sa katotohanan, at magagawa mong lutasin ang mga problema kapag nagbabahaginan kayo tungkol sa katotohanan. Ipinakikita nito na kapag handa kang isagawa ang katotohanan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Kapag handa kang isagawa ang katotohanan, magiging kuwalipikado kang magtustos sa iba. Bilang kapalit, pupurihin ka ng Diyos, at sasang-ayunan ka ng mga tao.