Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos

Sipi 19

Karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kaya kulang na kulang ang kanilang pananampalataya. Hindi madaling malaman ang gawain ng Diyos; kailangan munang malaman ng isang tao na may isang plano sa lahat ng gawain ng Diyos at ginagawang lahat iyon ayon sa panahon ng Diyos. Hindi kailanman maarok ng tao kung ano ang ginagawa ng Diyos at kung kailan Siya gumagawa; ginagampanan ng Diyos ang isang gawain sa isang partikular na panahon, at hindi Siya nagpapaliban; walang sinumang makakasira sa Kanyang gawain. Ang gumawa ayon sa Kanyang plano at ayon sa Kanyang mga layunin ang siyang prinsipyong sinusunod Niya sa paggawa sa Kanyang gawain, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Sa gayong paraan, dapat mong makita ang disposisyon ng Diyos. Hindi naghihintay kahit kanino ang gawain ng Diyos, at kapag oras na para gawin ang gawain, kailangan itong magawa. Naranasan ninyong lahat ang gawain ng Diyos nitong mga nakaraang taon. Sino ang kayang sumira sa paraan Niya ng pagtustos sa mga tao, ang makakapigil sa Kanya sa pagsasabi ng Kanyang mga salita kapag kailangan Niyang sabihin ang mga ito at sa pagsasagawa ng gawain kapag kailangan na itong magawa? Noong una nilang sinimulan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang karamihan sa mga tao ay namigay ng mga libro ng mga salita ng Diyos sa mga nasa simbahan at sa mga relihiyosong tao. Ano ang naging bunga nito? Iilan-ilan lamang sa mga taong ito ang nag-imbestiga tungkol sa mga salita ng Diyos; ang karamihan sa kanila ay mapanirang-puri, mapanghusga, at puno ng pagkapoot. Sinunog ng ilan ang mga libro, ang ilan ay kinumpiska ang mga ito, ang ilan ay nanggulpi ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo at pinilit ang mga ito na umamin ng pagkakasala, at ang ilan ay tumawag pa nga ng pulis para arestuhin at usigin ang mga ito. Noong mga panahong iyon, ang lahat ng denominasyon ay hibang na nanlaban, ngunit sa huli, ang ebanghelyo ng kaharian ay lumaganap pa rin sa buong lupain ng Tsina. Sino ang makagagambala sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos? Sino ang makahahadlang sa paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Ang mga tupa ng Diyos ay nakikinig sa tinig ng Diyos, at ang mga makakamit ng Diyos ay makakamit sa malao’t madali. Ito ay isang bagay na walang sinumang makawawasak. Tulad ito ng isang pangungusap sa Kawikaan, na nagsasabing, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Totoo ito lalo na sa mga hamak na tao, tama ba? May sariling mga plano at pagsasaayos ang Diyos tungkol sa kung kailan Niya gagawin ang isang gawain. Laging hinuhusgahan ng ilang tao na imposible para sa Diyos na gawin ang ganito o ganyan, ngunit ang mga gayong ideya ay imahinasyon lang ng mga tao. Gaano man kalaking pinsala ang gawin ng mga tao at gaano man karaming gulo ang idulot ni Satanas, mauuwi ito sa wala, at hindi nila mapipigilan ang gawain ng Diyos. Ang gawain ng Banal na Espiritu ang nagtatakda sa lahat ng bagay, at walang magagawa ang mga tao kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Anong uri ng lohika ang dapat na taglay ng mga tao tungkol dito? Kapag napagtanto ng isang tao na hindi kumikilos ang Banal na Espiritu, dapat niyang bitiwan ang sarili niyang mga haka-haka at mag-ingat na hindi makagawa ng kahit na ano nang hindi ito nauunawaan. Ang pasyang may karunungan ay ang hanapin ang mga layunin ng Diyos at hintayin ang itinakda Niyang panahon. May ilang tao na laging umaasa sa sarili nilang mga haka-haka at imahinasyong pantao at na pinangungunahan ang Diyos, at ang bunga ay ang hindi pagkilos ng Banal na Espiritu at ang kanilang pagsusumikap ay nagiging walang saysay. Gayunpaman, dapat gawin ng mga tao ang dapat nilang gawin, at dapat nilang tuparin ang kanilang tungkulin. Hindi ka maaaring maghintay lamang nang walang ginagawa dahil sa takot na may magawa kang mali, at tiyak na hindi mo maaaring sabihing, “Hindi pa ito ginagawa ng Diyos, at hindi pa sinasabi ng Diyos kung ano ang gusto Niyang gawin ko, kaya wala muna akong gagawin sa ngayon.” Hindi ba’t isa itong kabiguang gawin ang iyong tungkulin? Kailangan mo itong pag-isipan nang maigi dahil hindi ito maliit na bagay, at ang isang kamalian sa pag-iisip ay maaaring makasira sa iyo at sa mga inaasahan mo.

Sa plano ng pamamahala ng Diyos, anumang gawain ang gawin ng Diyos ay ginagawa ayon sa itinakdang iskedyul, sa tamang oras, eksaktong-eksakto, at tiyak na hindi ayon sa imahinasyon ng mga taong nagsasabing, “Hindi ito uubra, hindi iyan uubra, wala kang mararating dito!” Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at walang mahirap para sa Diyos. Mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa Kapanahunan ng Kaharian, ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay ginawa nang taliwas sa mga haka-haka ng mga taong nag-iisip na hindi posible ang lahat ng ito. Gayunpaman, naging maayos ang lahat sa huli, at si Satanas ay ganap na napahiya at nabigo, at tinakpan ng lahat ng tao ang kanilang mga bibig. Ano ang maaaring gawin ng mga tao? Hindi man lamang nila maisagawa ang katotohanan, ngunit nagagawa pa rin nilang magyabang at palalo at isiping magagawa nila ang anuman, at ang kanilang puso ay puno ng labis-labis na mga pagnanasa, at hindi man lang sila nagsisilbing mga tunay na patotoo. May mga tao pa ngang nag-iisip na, “Malapit nang dumating ang araw ng Diyos, hindi na tayo maghihirap pa, magkakaroon tayo ng magandang buhay, at makikita na natin ang wakas.” Sinasabi Ko sa inyo, ang mga ganitong tao ay nakikisakay lamang at naglalaro lang, at sa huli, sila ay parurusahan lamang at wala silang mahihita. Ang pananalig ba sa Diyos para lamang makita ang araw ng Diyos at matakasan ang malaking sakuna ay makatutulong sa pagkakamit ng katotohanan at buhay? Ang sinumang nananalig sa Diyos para makatakas sa sakuna at makita ang araw ng Diyos ay mamamatay. Gayunman, ang mga nananalig para hangarin ang katotohanan, at para maligtas sa pamamagitan ng pagbabago ng disposisyon ay mabubuhay. Sila ang mga tunay na mananampalataya ng Diyos. Ang mga nalilitong mananampalataya ay walang makakamit sa huli, magtatrabaho lamang nang walang saysay, at bibigyan ng mas mabigat na parusa. May matinding kawalan ng kabatiran ang lahat ng tao. Ang mga nananalig sa Diyos ngunit hindi ginagawa ang kanilang trabaho at laging nag-iisip ng masasamang bagay ay masasama, sila ay mga hindi mananampalataya at maipapahamak lamang nila ang kanilang mga sarili. Hindi ba’t ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya ay parehong nasa mga kamay ng Diyos? Sino ang makakatakas mula sa mga kamay ng Diyos? Walang sinumang makakatakas! Ang mga makakatakas ay kailangang bumalik sa Diyos sa huli at maparusahan. Ito ay labis na maliwanag, bakit ito hindi makita nang malinaw ng mga tao?

Ang ilang tao ay walang anumang kaalaman sa pagiging makapangyarihan ng Diyos sa lahat, kahit pa nananalig sila sa Makapangyarihang Diyos. Sila ay patuloy na nalilito tungkol sa sumusunod na katanungan: “Yamang ang Diyos ay dakila, may awtoridad, at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, bakit nilikha pa rin Niya si Satanas, hinayaan ito na gawing tiwali ang sangkatauhan sa loob ng 6,000 taon at guluhin ang mundo? Bakit hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas? Hindi ba’t magkakaroon ang mga tao ng magandang buhay kung aalisin si Satanas?” Ganito mag-isip ang karamihan sa mga tao. Maipapaliwanag ba ninyo ngayon ang isyung ito? May kinalaman dito ang katotohanan tungkol sa mga pangitain. Marami nang nagsaalang-alang sa tanong na ito, ngunit ngayong medyo may pundasyon na kayo, hindi na ninyo pagdududahan ang Diyos dahil dito. Gayunpaman, ang pagkalito tungkol dito ay dapat na linawin. May ilang taong nagtatanong, “Bakit hinayaan ng Diyos na pagtaksilan Siya ng arkanghel? Maaari kayang hindi alam ng Diyos na may kakayahan ang arkanghel na pagtaksilan Siya? Nabigo ba ang Diyos na kontrolin ito, pinahintulutan ba Niya ito, o may layon ba ang Diyos?” Normal lamang na itanong ito ng mga tao, at dapat nilang malaman na may kinalaman sa tanong na ito ang buong plano ng pamamahala ng Diyos. Isinaayos ng Diyos na magkaroon ng arkanghel at ang pagtataksil ng arkanghel na ito sa Diyos ay parehong pinahintulutan at isinaayos ng Diyos—tiyak na nasa saklaw ito ng plano ng pamamahala ng Diyos. Pinahintulutan ng Diyos ang arkanghel na gawing tiwali ang sangkatauhang nilikha Niya, matapos nitong magtaksil sa Kanya. Hindi sa nabigo ang Diyos na kontrolin si Satanas, kung kaya’t ang sangkatauhan ay natukso ng ahas at ginawang tiwali ni Satanas, kundi ang Diyos ang nagpahintulot kay Satanas na gawin ito. Pagkatapos Niyang ibigay ang Kanyang pahintulot para mangyari ito, saka lamang sinimulan ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala at ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya bang maarok ng tao ang misteryo dito? Nang napasama na ni Satanas ang sangkatauhan, noon sinimulan ng Diyos ang gawain ng pangangasiwa sa sangkatauhan. Una, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan sa Israel. Makalipas ang dalawang libong tao, ginampanan Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus sa Kapanahunan ng Biyaya, at natubos ang buong sangkatauhan. Sa panahon ng mga huling araw, nagkatawang-tao Siya upang lupigin at iligtas ang isang pangkat ng mga tao sa mga huling araw. Anong uri ng mga tao yaong mga naipanganak sa mga huling araw? Sila yaong mga napasailalim na sa libu-libong taon ng pagtitiwali ni Satanas, na napakalalim na ang pagkakagawang tiwali kaya wala na silang wangis ng tao. Pagkatapos maranasan ang paghatol, pagkastigo at paglalantad ng mga salita ng Diyos, pagkatapos na nalupig, natatamo nila ang katotohanan mula sa loob ng mga salita ng Diyos at taimtim na nahihikayat ng Diyos; natatamo nila ang isang pagkaunawa sa Diyos, at nakapagpapasakop sila sa Diyos nang lubusan at napalulugod ang Kanyang mga layunin. Sa katapusan, ang pangkat ng mga taong nakamit sa pamamagitan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay magiging mga taong tulad nito. Ano sa tingin ninyo, ang tutugon ba sa mga layunin ng Diyos ay ang mga hindi nagawang tiwali ni Satanas, o ang mga nagawang tiwali ni Satanas at kalaunan ay naligtas? Ang mga taong kakamtin sa buong plano ng pamamahala ay isang grupo na nakauunawa sa mga layunin ng Diyos, na nakakamit ang katotohanan mula sa Diyos, at na nagtataglay ng uri ng buhay at wangis ng tao na hinihingi ng Diyos. Noong unang nilikha ng Diyos ang mga tao, sila ay mayroon lamang wangis ng tao at buhay ng tao. Gayunpaman, hindi nila taglay ang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa tao at hindi nila maipamuhay ang wangis na laging inaasam ng Diyos na tataglayin ng mga tao. Ang grupo ng tao na makakamit sa huli ay ang mga mananatili hanggang sa dulo, at sila ang mga kakamtin ng Diyos, kung kanino Siya nalulugod, at ang nagbibigay-kasiyahan sa Kanya. Sa loob ng ilang libong taong pagtakbo ng plano ng pamamahala, ang mga taong ito na iniligtas Niya sa huli ang pinakamaraming nakamit; ang katotohanang nakamit ng mga taong ito ay ang mismong pagdidilig at pagtutustos na ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pakikidigma kay Satanas. Ang mga tao sa grupong ito ay mas mainam kaysa sa mga nilikha ng Diyos noong pinakasimula; bagama’t sila ay nagawang tiwali, ito ay hindi maiiwasan, at ito ay nasa saklaw ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ganap nitong inihahayag ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan, pati na rin ang katotohanan na ang lahat ng isinaayos, pinlano, at nagawa ng Diyos ang ganap na pinakadakila. Kung pagkatapos ay tatanungin kang muli: “Kung ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, paano Siya napagtaksilan pa rin ng arkanghel? Pagkatapos ay ipinatapon ito ng Diyos sa mundo kung saan pinahintulutan Niya itong gawing tiwali ang sangkatauhan. Ano ang kabuluhan nito?” maaari mo itong sabihin: “Ang bagay na ito ay nakapaloob sa paunang pagtatalaga ng Diyos at ito ay labis na makabuluhan. Hindi ito ganap na maaarok ng tao, ngunit sa antas na kayang maunawaan at maabot ng tao, makikita na ang ginawa ng Diyos ay lubos na makabuluhan. Hindi nito sinasabi na may panandaliang pagkakamali ang Diyos, o na nawalan Siya ng kontrol at wala Siyang kaparaanan para pamahalaan ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ginamit Niya ang mga panlilinlang ni Satanas laban dito, sinasabing, ‘Ang arkanghel ay nagtaksil na lang din naman, kaya mabuti pa ay sakyan Ko na lang din ito, at ililigtas Ko na lamang ang sangkatauhan matapos nitong gawing tiwali ang lahat.’ Hinding-hindi ito ang kaso.” Dapat ay malaman man lang ng mga tao na ang bagay na ito ay nasa saklaw ng plano ng pamamahala ng Diyos. Anong plano? Sa unang yugto, mayroong arkanghel; sa ikalawang yugto, ang arkanghel ay nagtaksil; sa ikatlong yugto, matapos magtaksil ng arkanghel, pumunta ito sa mga tao para gawin silang tiwali, at pagkatapos ay sinimulan ng Diyos ang gawain Niya ng pamamahala sa sangkatauhan. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, kailangan nilang maunawaan ang pangitain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ang ilan ay hindi kailanman nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan, lagi nilang nararamdaman na maraming hindi malulutas na kontradiksyon. Dahil walang pagkaunawa, pakiramdam nila ay walang katiyakan, at kung sila ay walang katiyakan, wala silang lakas na sumulong. Kung walang katotohanan, mahirap magkaroon ng anumang pag-unlad, kaya mahirap talaga para sa mga hindi naghahanap sa katotohanan kapag sila ay nahaharap sa isang isyu. Nakatulong ba ang pagbabahaging ito para makaunawa ka? Pagkatapos ng pagtataksil ng arkanghel, saka lamang nagkaroon ang Diyos ng plano ng pamamahala para iligtas ang sangkatauhan. Kailan sinimulan ng arkanghel ang pagtataksil nito? Tiyak na may mga bagay na naghahayag ng pagtataksil nito, may proseso ang ginawang pagtataksil ng arkanghel, tiyak na hindi ito kasingsimple ng sinasabi ng teskto. Tulad ito ng pagtataksil ni Hudas kay Jesus—mayroon itong proseso. Hindi niya agad pinagtaksilan si Jesus matapos niyang sumunod kay Jesus. Hindi minahal ni Hudas ang katotohanan, naghangad siya ng salapi, at lagi siyang nagnanakaw. Ibinigay siya ng Diyos kay Satanas, binigyan siya ni Satanas ng mga ideya, at pagkatapos ay nagsimula siyang magtaksil kay Jesus. Unti-unting naging masama si Hudas, at sa ilang partikular na pagkakataon, nang dumating ang takdang oras, pinagtaksilan niya si Jesus. May regular na disenyo sa pagiging masama ng mga tao, at hindi ito kasingsimple ng naiisip ng mga tao. Sa sandaling iyon, hanggang doon lamang maaaring maunawaan ng mga tao ang mga bagay sa plano ng pamamahala ng Diyos, ngunit mas malalim nilang mauunawaan ang kabuluhan nito kapag lumago na ang kanilang tayog.

Sipi 20

Ang lahat ng tiwaling tao ay may satanikong kalikasan. Lahat sila ay may satanikong disposisyon at kayang ipagkanulo ang Diyos saanman at kailanman. Ang ilang tao ay nagtatanong, “Nilikha ng Diyos ang mga tao, at sila ay nasa mga kamay ng Diyos. Bakit hindi pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao sa halip na hayaan silang ipagkanulo ang Diyos? Hindi ba’t ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat?” Ito nga ay isang katanungan. Anong mga problema ang makikita mo rito? Ang Diyos ay may panig na makapangyarihan sa lahat at may panig ding praktikal. Kayang ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi sila nagagawang tiwali ni Satanas. Walang sariling kalooban ang mga tao, sa usapin ng kung paano nila dapat sambahin ang Diyos, at kung paano itakwil si Satanas, ang hindi makisama kay Satanas at ang magpasakop sa Diyos. Nasa Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan, ang Diyos ay hindi nalalabag…. Wala sa kalooban-looban ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi nila talaga nakikita ang mga bagay na nasa kalikasan ni Satanas at sadyang hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya nagagawa nilang ipagkanulo ang Diyos saanman at kailanman. Higit pa rito, pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, nasa loob nila ang mga bagay ni Satanas, at mas madali para sa kanila na ipagkanulo ang Diyos. Ito ang problema. Kung ang nakikita mo lamang ay ang praktikal na panig ng Diyos at hindi ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, magiging madali para sa iyo na ipagkanulo ang Diyos at makita si Cristo bilang isang ordinaryong tao, at hindi mo malalaman kung paano Niya magagawang ihatid ang napakaraming katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Kung ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat lang ang nakikita mo at hindi ang praktikal na panig ng Diyos, magiging madali rin para sa iyo na labanan ang Diyos. Kung hindi mo nakikita ang alinmang panig, mas malamang pa na labanan mo ang Diyos. Samakatuwid, hindi ba’t ang makilala ang Diyos ang pinakamahirap na bagay sa mundo? Habang mas nakikilala ng mga tao ang Diyos, mas nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at nauunawaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay may kahulugan. Kung tunay na kilala ng mga tao ang Diyos, makapagkakamit sila ng gayong mga resulta. Bagama’t may praktikal na panig ang Diyos, hindi kailanman lubusang makikilala ng mga tao ang Diyos. Masyadong dakila at kamangha-manghang hindi maarok ang Diyos, at masyadong limitado ang pag-iisip ng mga tao. Bakit sinasabi na ang tao ay isang sanggol sa harap ng Diyos magpakailanman? Ito ang ibig sabihin nito.

Kapag may sinabi o ginawa ang Diyos, lagi itong hindi nauunawaan ng mga tao, “Paano iyon nagawa ng Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat!” Palaging may sariling kuru-kuro ang mga tao. Patungkol sa pagtikim ng Diyos sa makamundong pagdurusa, iniisip ng ilang tao, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Kailangan ba Niyang matikman ang makamundong pagdurusa? Hindi ba alam ng Diyos kung ano ang pakiramdam ng dumanas ng makamundong pagdurusa?” Ito ang praktikal na panig ng paggawa ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ipinako sa krus si Jesus para tubusin ang sangkatauhan, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang Diyos at palagi silang nagkikimkim ng ilang kuru-kuro tungkol sa Diyos, sinasabing: “Upang tubusin ang buong sangkatauhan, kailangan lang ng Diyos na sabihin kay Satanas, ‘Ako ay makapangyarihan sa lahat. Nangangahas kang ipagkait sa Akin ang sangkatauhan? Kailangan mo silang ibigay sa Akin.’ Sa ilang salitang ito, ang lahat sana ay nalutas na—wala bang awtoridad ang Diyos? Ang kailangan lang ay sabihin ng Diyos na natubos na ang sangkatauhan at ang kasalanan ng tao ay pinatawad na, kung gayon ay wala nang kasalanan ang tao. Hindi ba kayang mapagpasyahan ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito? Kung ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan ng mga salita mula sa Diyos, paanong hindi malulutas ng Diyos ang usaping ito? Bakit kailangang ipako sa krus ang Diyos mismo?” Ang makapangyarihan sa lahat na panig ng Diyos at ang Kanyang praktikal na panig ay parehong gumagana rito. Patungkol naman sa Kanyang praktikal na panig, tiniis ng Diyos na nagkatawang-tao ang maraming pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na pamumuhay sa lupa, at sa huli ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang pinakamatinding pagdurusa. Pagkatapos ay nabuhay Siyang muli mula sa kamatayan, at ang Kanyang muling pagkabuhay ay ang paggana ng aspeto ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Hindi gumawa ng anumang pahiwatig ang Diyos, o nagpadanak ng anumang dugo o nagpaulan at sinabing ito ay isang handog para sa kasalanan. Wala Siyang ginawang anumang ganoon, sa halip Siya mismo ay nagkatawang-tao upang tubusin ang sangkatauhan at ipinako Siya sa krus, upang malaman ng sangkatauhan ang gawang ito. Nang dahil sa gawang ito, nalaman ng sangkatauhan na talagang iniligtas ng Diyos ang tao at ito ay patunay. Alinmang pagkakatawang-tao ang gumaganap ng gawain o kung ang Espiritu man ang tuwirang gumagawa ng gawain, lahat ito ay kinakailangan. Nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ang gawain ay nagagawang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan, at sa pamamagitan lamang ng paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan na maaani ng sangkatauhan ang mga kapakinabangan nito. Ito ay dahil sa ang buong sangkatauhan ang layon ng pamamahala ng Diyos. Nasabi na noon na ito ay upang makipagdigma kay Satanas at ipahiya ito. At sa totoo lang, hindi ba’t sa huli ay mabuti iyon para sa tao? Para sa tao, ito ay isang bagay na dapat gunitain at isang bagay na pinakamahalaga at makabuluhan, dahil ang nais likhain ng Diyos ay mga taong nakaahon mula sa kapighatian nang may pag-unawa sa Diyos, na naperpekto na ng Diyos at nalampasan ang katiwalian ni Satanas. Samakatuwid, ang gawaing ito ay tiyak na kailangang gawin sa ganitong paraan. Ang kapasyahan sa kung aling paraan ang ginagamit ng Diyos sa bawat yugto ng Kanyang gawain ay batay sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay tiyak na hindi ginagawa gamit ang walang ingat na mga pamamaraan. Ngunit ang mga tao ay may pagpipilian at may sariling mga kuru-kuro. Pagdating sa pagpako kay Jesus sa krus, iniisip ng mga tao: “Anong kinalaman sa amin ng pagpako sa Diyos sa krus?” Iniisip nila na walang kaugnayan, ngunit kailangang ipako sa krus ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ang pagpako sa krus ang pinakamatinding pagdurusa noong panahong iyon, naipako kaya sa krus ang Espiritu? Ang Espiritu ay hindi maaaring ipako sa krus at hindi maaaring maging isang paunang indikasyon ng Diyos, lalong hindi maaaring magbuhos ng dugo at mamatay. Tanging ang pagkakatawang-tao lamang ang maaaring ipako sa krus, ito ang patunay ng handog para sa kasalanan. Ang Kanyang katawang-tao ay nagkawangis ng makasalanang laman at pinasan ang pagdurusa para sa sangkatauhan. Ang Espiritu ay hindi maaaring magdusa para sa sangkatauhan, at hindi rin kayang pagbayaran ang mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay ipinako sa krus para sa kapakanan ng sangkatauhan. Ito ang praktikal na panig ng Diyos. Kaya ng Diyos na gawin ito at mahalin ang mga tao sa ganitong paraan, samantalang hindi ito kaya ng mga tao. Ito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Kalakip sa lahat ng mga ginagawa ng Diyos ang Kanyang bahaging makapangyarihan sa lahat pati na rin ang Kanyang bahaging praktikal. Diwa ng Diyos ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, at ang Kanyang pagiging praktikal ay diwa rin Niya; ang dalawang aspetong ito ay hindi mapaghihiwalay. Ang paggawa ng Diyos ng mga gawa sa isang totoo at praktikal na paraan ay ang paggana ng Kanyang praktikal na aspeto, at ipinapakita rin ng kakayahan Niyang gumawa sa ganitong paraan ang Kanyang aspetong makapangyarihan sa lahat. Hindi mo maaaring sabihin, “Dahil ang Diyos ay gumagawa nang praktikal, Siya kung gayon ay praktikal, mayroon lamang Siyang praktikal na panig at walang aspetong makapangyarihan sa lahat”; kapag sinabi mo iyan, iyan ay magiging isang regulasyon. Ito ang praktikal na aspeto, ngunit mayroon ding aspetong makapangyarihan sa lahat. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay nagtataglay ng parehong aspetong ito—ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat at ang Kanyang pagiging praktikal—at ang lahat ay ginagawa batay sa Kanyang diwa; ito ay isang pagpapahayag ng disposisyon Niya at isa ring pagbubunyag ng diwa Niya at kung ano Siya. Iniisip ng mga tao na, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay awa at pag-ibig; ngunit nasa Kanya pa rin ang Kanyang poot at Kanyang paghatol. Ang pagsumpa ng Diyos sa mga Pariseo at sa lahat ng Hudyo—hindi ba’t ito ang Kanyang poot at pagiging matuwid? Hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay awa at pag-ibig lamang noong Kapanahunan ng Biyaya, na talagang Siya ay walang poot, walang paghatol o pagsumpa—ang sabihin ito ay pagpapakita ng kawalan ng mga tao ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya ay pawang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Ang lahat ng ginawa ng Diyos na nakikita ng tao ay upang patunayan na Siya Mismo ang Diyos at Siya ay makapangyarihan sa lahat, upang patunayan na Siya Mismo ang may diwa ng Diyos. Ang gawain ba ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa kasalukuyang yugtong ito ay nangangahulugan na wala Siyang awa o pag-ibig? Hindi. Kung lalagumin mo ang diwa ng Diyos sa isang pangungusap o isang pahayag lamang, masyado kang mapagmataas at mapagmagaling, hangal at mangmang, at nagpapakita ito na hindi mo kilala ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Sabihin Mo sa amin ang katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos, ipaliwanag mo ito nang malinaw.” Ano ang dapat sabihin ng taong nakakakilala sa Diyos? Sasabihin niya, “Ang usapin ng pagkilala sa Diyos ay napakalalim na hindi ko ito kayang ipaliwanag nang malinaw sa ilang pangungusap lang. Paano ko man ito ipaliwanag, hindi ko ito magawa sa paraang madaling maunawaan. Hangga’t naiintindihan mo ang diwa, iyon ay sapat na. Hindi kailanman makikilala nang lubusan ng tao ang Diyos.” Ang isang mayabang na tao na hindi nakakakilala sa Diyos ay magsasabi, “Alam ko kung anong uri Siya ng Diyos, tunay ko Siyang nauunawaan.” Hindi ba’t ito ay pagyayabang? Ang sinumang magsabi nito ay sukdulan ang kayabangan! May ilang bagay na—kung hindi nararanasan ng mga tao at hindi pa nila nakikita ang ilang katunayan—hindi talaga nila malalaman o mararanasan, kaya pakiramdam nila ay masyadong mahirap unawain ang kaalaman sa Diyos. Ang mga taong hindi nakakaalam ay nakakarinig lamang ng isang uri ng pahayag, naiintindihan nila ang lohika nito, ngunit hindi nila ito alam. Hindi dahil hindi mo ito alam ay nangangahulugan nang hindi ito ang katotohanan. Tila mahirap itong unawain para sa mga walang karanasan, ngunit ito, sa katunayan, ay hindi mahirap unawain. Kung ang isang tao ay talagang may karanasan, magagawa niyang itugma ang mga salita ng Diyos sa angkop na konteksto ng mga ito at mailalapat niya at maisasagawa ang mga ito. Ito ang pagkaunawa sa katotohanan. Mauunawaan mo ba ang katotohanan kung makikinig ka lamang sa mga literal na kahulugan ng salita ng Diyos ngunit wala kang praktikal na pagkaunawa? Kailangan mong isagawa at danasin ang mga ito. Hindi madaling maunawaan ang katotohanan.

Tinubos ng Diyos ang buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, at kasama sa Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat ang lahat ng Kanyang praktikal na gawain. Sa paggawa ng Kanyang gawain upang lupigin ang mga tao, ang lahat ng tao ay bumabagsak sa harap ng Diyos at maaari Siyang tanggapin. Kung nagsasalita ang mga tao tungkol sa pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging praktikal ng Diyos nang hiwalay sa isa’t isa, hindi nila lubos na mauunawaan ang mga ito. Upang makilala ang Diyos, kailangan mong pagsamahin ang iyong kaalaman sa Kanyang dalawang aspeto na pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging praktikal; sa ganito ka lamang makapagkakamit ng mga resulta. Ang kakayahan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain nang aktwal at praktikal, at linisin at lutasin ang katiwalian ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan, pati na ang kakayahan Niyang direktang pamunuan ang mga tao—ipinapakita ng mga ito ang praktikal na panig ng Diyos. Ipinahahayag ng Diyos ang sarili Niyang disposisyon at kung ano Siya, at anumang gawaing hindi magagawa ng tao ay magagawa Niya; makikita rito ang panig ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Taglay ng Diyos ang awtoridad na pairalin ang sinasabi Niya, na gawing matatag ang mga utos Niya, at ang sinasabi Niya ay magaganap. Habang bumibigkas ang Diyos, nabubunyag ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, minamaniobra Niya si Satanas upang magserbisyo sa Kanya, isinasaayos ang mga kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at dalisayin at baguhin ang mga disposisyon nila—ang lahat ng ito ay mga pagpapakita ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Ang diwa ng Diyos ay parehong makapangyarihan sa lahat at praktikal, at nababagay sa isa’t isa ang dalawang aspetong ito. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay isang pagpapahayag ng sarili Niyang disposisyon at pagbubunyag ng kung ano Siya. Kabilang sa kung ano Siya ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat, Kanyang katuwiran, at Kanyang kamahalan. Ang gawain ng Diyos mula simula hanggang wakas ay isang paghahayag ng Kanyang sariling diwa at isang pagpapahayag ng kung ano Siya. Ang Kanyang diwa ay may dalawang aspeto: Ang isa ay ang aspeto ng Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, ang isa pa ay ang aspeto ng Kanyang pagiging praktikal. Alinmang yugto ng gawain ng Diyos ang iyong tingnan, naroon ang dalawang aspetong ito, na nasa lahat ng ginagawa ng Diyos. Ito ay isang landas sa pag-unawa sa Diyos.

Sipi 21

Kung isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan man ng Kanyang pagkakatawang-tao o ng Kanyang Espiritu, isinasagawa ang lahat ng ito ayon sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ito isinasagawa ayon sa anumang hayag o lihim na mga pamamaraan, o ayon sa mga pangangailangan ng tao, kundi ganap na alinsunod sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ito para bang ang gawain sa mga huling araw ay maisasagawa sa anumang paraang naisin ng Diyos. Ang yugtong ito ay isinasagawa sa pundasyon ng naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain. Ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, na ang ikalawang yugto ng Kanyang gawain, ay nagbigay-daan para matubos ang sangkatauhan, at naisagawa ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao. Hindi imposibleng maisagawa ng Espiritu ang kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos. Kaya Niya itong gawin, ngunit mas angkop na gawin ito ng pagkakatawang-tao. Mas epektibo nitong maililigtas ang mga tao. Tutal, ang mga pahayag naman ng pagkakatawang-tao ay nakahihigit sa mga direktang pahayag ng Banal na Espiritu pagdating sa panlulupig ng mga tao, at mas mainam ang mga ito pagdating sa pagtulong sa mga tao na makilala ang Diyos. Kapag gumagawa ang Espiritu, hindi Siya palaging makakasama ng mga tao. Hindi posible para sa Espiritu na direktang mamuhay kasama ng mga tao at harapang makipag-usap sa mga tao gaya ng ginagawa ngayon ng pagkakatawang-tao, at may mga pagkakataon na hindi posible para sa Espiritu na ilantad kung ano ang nasa kalooban ng mga tao gaya ng nagagawa ng pagkakatawang-tao. Sa yugtong ito, ang pangunahing gawain ng pagkakatawang-tao ay ang lupigin ang mga tao, at matapos silang lupigin, ay gawin silang perpekto, upang makilala nila ang Diyos at magawa Siyang sambahin. Ito ang gawain sa pagwawakas ng panahon. Kung ang yugtong ito ay hindi tungkol sa paglupig sa mga tao, kundi pagbibigay-alam lamang sa kanila na mayroon talagang Diyos, maaari itong isagawa ng Espiritu. Posibleng iniisip ninyo na kung ang Espiritu ang nagsagawa ng yugtong ito, maaari Siyang humalili sa katawang-tao, at isagawa ang parehong gawain gaya ng sa katawang-tao, at dahil makapangyarihan ang Diyos, kung ang katawang-tao man o ang Espiritu ang gumagawa, parehong resulta pa rin ang matatamo. Gayunpaman, nagkakamali kayo. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang pamamahala, at sa Kanyang plano at mga hakbang upang iligtas ang tao. Hindi ito gaya ng pakiwari mo, na ang Espiritu ay makapangyarihan, ang katawang-tao ay makapangyarihan, at ang Diyos Mismo ay makapangyarihan, kaya magagawa Niya anuman ang Kanyang naisin. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang plano ng pamamahala, at ang bawat yugto ng Kanyang gawain ay may ilang partikular na hakbang. Planado na rin kung paano dapat isagawa ang yugtong ito, at kung ano ang mga detalyeng nararapat na isama. Ang unang yugto ng gawain ng Diyos ay isinagawa sa Israel, at ang huling yugto na ito naman ay sa bansa ng malaking pulang dragon, ang Tsina. May ilang nagsasabi, “Hindi ba ito puwedeng gawin ng Diyos sa ibang bansa?” Ayon sa plano ng pamamahala ng yugtong ito, dapat itong isagawa sa Tsina. Ang mga mamamayan ng Tsina ay paurong, ang kanilang buhay ay mapagmalabis, at wala silang karapatang pantao o kalayaan. Isa itong bansa kung saan si Satanas at ang masasamang demonyo ang nasa kapangyarihan. Ang layunin ng paglitaw at paggawa sa Tsina ay ang iligtas ang mga taong naninirahan sa pinakamadilim na bahagi ng mundo at na pinakaginawang tiwali ni Satanas. Ito ang tanging paraan upang talunin si Satanas at ganap na matamo ang kaluwalhatian. Kung magpapakita ang Diyos at gagawa sa ibang bansa, hindi ito magiging ganoon kamakabuluhan. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay kinakailangan, at isinasagawa ng Diyos sa paraang nararapat gawin. May ilang bagay na maisasagawa sa pamamagitan ng gawain ng katawang-tao at may ilang bagay na maisasagawa sa pamamagitan ng gawain ng Espiritu. Pinipili ng Diyos na kumilos sa pamamagitan ng katawang-tao o ng Espiritu batay sa kung aling paraan ang makakakuha ng pinakamagagandang resulta. Hindi ito gaya ng iminungkahi ninyo, na ayos lang ang anumang paraan ng paggawa, na maisasagawa ng Diyos ang gawain sa pamamagitan ng kaswal na paggamit ng anyo ng tao, at magagawa rin ito ng Espiritu nang hindi nakikipagtagpo sa sinumang tao nang harapan, at na ang mga pamamaraang ito ay kapwa makapagtatamo ng ilang resulta. Hindi dapat kayo magkamali sa pagkakaunawa rito. Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, ngunit mayroon din Siyang praktikal na aspeto, at hindi ito makita ng mga tao. Nakikita ng mga tao ang Diyos bilang napakahiwaga, at hindi nila Siya maunawaan, kaya nakabubuo sila ng mga kuru-kuro at lahat ng klase ng hindi makatotohanang ideya tungkol sa Kanya. Napakakaunting tao lamang ang nakakakita na ang mga salita at gawain ng Diyos ay ang katotohanan, na praktikal ang mga ito, na ito ang mga bagay na pinakamakatotohanan, at nahahawakan at nakikita ito ng tao. Kung talagang may kahusayan at kakayahang makaarok ang mga tao, matapos maranasan nang ilang taon ang gawain ng Diyos, magagawa dapat nilang makita na ang lahat ng salitang ipinapahayag ng Diyos ay ang mga katotohanang realidad, na may mga katotohanan at prinsipyo sa lahat ng gawain at bagay na isinasagawa Niya, at na may malaking kabuluhan ang lahat ng Kanyang ginagawa. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay may saysay, kinakailangan, at makapagbibigay ng pinakamagagandang resulta. Lahat ng ito ay may tiyak na layunin, plano, at kabuluhan. Sa tingin mo ba, ang gawain ng Diyos ay isinasagawa batay sa mga binigkas na salitang hindi pinag-isipan? Mayroon Siyang aspetong makapangyarihan sa lahat, ngunit mayroon din Siyang aspetong praktikal. Hindi balanse ang inyong kaalaman. May mga pagkakamali sa inyong pagkaunawa sa aspeto ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, bukod pa sa inyong pagkaunawa sa Kanyang aspetong praktikal, kung saan mas marami pa ang inyong mga pagkakamali.

Sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang unang yugto ay isinasagawa ng Espiritu, habang ang huling dalawang yugto ay isinasagawa ng pagkakatawang-tao, at napakahalaga ng bawat yugto ng Kanyang gawain. Gawin nating halimbawa ang pagpapako sa krus. Kung ang Espiritu ang ipinako sa krus, wala itong magiging saysay, dahil hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang nararamdaman at hindi nasasaktan. Kung gayon, walang magiging saysay ang pagpapako sa krus. Ang yugtong nagaganap sa mga huling araw ay ang panlulupig sa mga tao, na gawaing kayang gawin ng katawang-tao—hindi makakahalili sa pagkakatawang-tao ang Espiritu pagdating sa gawaing ito, at ang gawaing isinasagawa ng Espiritu ay hindi maisasagawa ng katawang-tao. Kapag pinili ng Diyos ang katawang-tao o ang Espiritu para isagawa ang anumang yugto ng Kanyang gawain, talagang kinakailangan ang pagpiling ito, at ginagawa ang lahat ng ito upang makamit ang pinakamagagandang resulta at maisagawa ang mga layunin ng Kanyang plano ng pamamahala. Ang Diyos ay may aspetong makapangyarihan sa lahat at aspetong praktikal. Gumagawa Siya sa praktikal na paraan sa bawat yugto ng Kanyang gawain. Iniisip ng mga tao na hindi nagsasalita o nag-iisip ang Diyos, at na ginagawa Niya anuman ang Kanyang naisin, ngunit hindi iyon ganoon. Mayroon Siyang karunungan, mayroon Siya ng lahat ng kung ano Siya, at ito ang Kanyang diwa. Kapag gumagawa Siya, kailangan Niyang ilantad at ipahayag ang Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, Kanyang karunungan, at lahat ng tinataglay Niya at Kanyang pagiging Diyos, upang maunawaan, makilala, at matamo ng mga tao ang mga bagay na ito. Hindi Siya gumagawa batay sa kawalan, at lalong hindi Siya gumagawa batay sa mga imahinasyon ng mga tao. Kumikilos Siya ayon sa mga pangangailangan ng gawain at ayon sa mga resultang kailangang makamit. Nangungusap Siya sa praktikal na paraan, gumagawa Siya at nagdurusa bawat araw, at kapag nagdurusa Siya, nakakaramdam Siya ng sakit. Hindi ito para bang nariyan ang Espiritu sa panahong gumagawa at nangungusap ang pagkakatawang-tao, at umaalis ang Espiritu kapag hindi gumagawa at nangungusap ang pagkakatawang-tao. Kung ganoon ang kaso, hindi sana Siya nagdusa, at hindi sana ito magiging pagkakatawang-tao. Hindi nakikita ng mga tao ang aspetong praktikal ng Diyos, kaya, hindi gaanong kilala ng mga tao ang Diyos, at napakababaw lang ng kanilang pagkakaunawa sa Kanya. Sinasabi ng mga tao na praktikal at normal ang Diyos, o na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at may walang hanggang kapangyarihan—ang lahat ng salitang ito ay natutunan nila sa iba, dahil wala silang tunay na kaalaman o totoong karanasan. Pagdating sa pagkakatawang-tao, bakit may pagdiin sa diwa ng pagkakatawang-tao? Bakit hindi sa Espiritu? Ang pinagtutuunan ay ang gawain ng katawang-tao. Ang gawain ng Espiritu ay ang umalalay at tumulong, at nakakamit nito ang mga resulta ng gawain ng katawang-tao. Sa bawat yugto, magkakaroon ng kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, ngunit hindi nila ito nagagawa o natatamo kapag gusto nilang magkaroon ng kaunti pang kaalaman tungkol sa Kanya; kapag may kaunting sinabi ang Diyos, may kaunting nauunawaan ang mga tao, ngunit hindi pa rin napakalinaw ng kanilang pagkakakilala sa Kanya, at hindi nila madaling maunawaan ang mahalagang bahagi nito. Kung sa tingin ninyo ay magagawa ng Espiritu ang anumang magagawa ng katawang-tao, at na makahahalili ang Espiritu sa katawang-tao, hindi ninyo kailanman malalaman ang kabuluhan ng katawang-tao, ang gawain ng pagkakatawang-tao, at kung ano ang katawang-tao.

Sipi 22

Ang mga nilalaman ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay napakayaman, kinabibilangan ito ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, gayundin ng ilang pahayag na nagpopropesiya, ipinopropesiya ang magiging kalagayan sa mga paparating na kapanahunan. Sa katunayan, ang mga propesiya ay masyadong pangkalahatan, ang karamihan sa mga nilalamang salita ng aklat na ito ay tinatalakay ang pagpasok sa buhay, inilalantad ang kalikasan ng tao, at sinasabi kung paano makikilala ang Diyos at ang Kanyang disposisyon. At tungkol naman sa kung anong kapanahunan ang darating, kung ilang kapanahunan ang mayroon, kung anu-anong uri ng mga pangyayari ang papasukin ng sangkatauhan, hindi ba’t totoo na walang partikular na plano, partikular na pagbabatayan, o kahit man lang partikular na kapanahunan sa aklat na ito? Masasabing hindi na kailangang mag-alala pa ang mga tao sa mga kapanahunang darating, hindi pa nararating ang kapanahunang iyon at napakalayo pa niyon. Kahit na sabihin Ko pa sa inyo ang tungkol sa mga bagay na ito, hindi ninyo ito mauunawaan, at dagdag pa roon, hindi kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito sa ngayon. Maliit lang ang kaugnayan ng mga bagay na iyon sa pagbabago ng buhay disposisyon ng mga tao. Ang kailangan lang ninyong maunawaan ay ang mga salita na naglalantad sa kalikasan ng tao. Sapat na iyon. Noon, may ilang propesiya ang ipinahayag, kagaya ng ang Milenyong Kaharian, ang magkasamang pagpasok ng Diyos at ng tao sa kapahingahan, at pati na rin ang tungkol sa Kapanahunan ng Salita. Ang mga salitang nagpopropesiya ay may kaugnayang lahat sa mga kapanahunang malapit nang dumating; ang mga hindi nabanggit ay ang mga bagay na napakalayo pa. Hindi ninyo kailangang pag-aralan ang mga bagay na iyon na napakalayo pa; ang hindi ninyo dapat malaman ay hindi sasabihin sa inyo; ang dapat ninyong malaman ay ang buong katotohanan na nagmumula sa Diyos—halimbawa ay ang disposisyon ng Diyos na ipinahahayag sa tao, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos na inihahayag ng mga salita ng Diyos, at ang paglalantad sa kalikasan ng tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, gayundin ang direksyon sa buhay na ibinigay ng Diyos sa mga tao, sapagkat kabilang ang mga bagay na ito sa kaibuturan ng gawaing pagliligtas ng Diyos sa mga tao.

Ang layunin ng Diyos sa pagsasabi sa mga bagay na ito kapag ginagawa ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay pangunahing para lupigin at iligtas ang mga tao, at para baguhin ang disposisyon ng mga tao. Sa kasalukuyan ang Kapanahunan ng Salita ay isang makatotohanang kapanahunan, ang kapanahunan ng katotohanan na lumulupig at nagliligtas sa tao; mas marami pang mga salita kalaunan—napakarami pang hindi nasasabi. Iniisip ng ilang tao na ang mga salitang ito sa kasalukuyan ay ang kabuuan na ng pagpapahayag ng Diyos—ito ay isang labis na maling interpretasyon, sapagkat ang gawain ng Kapanahunan ng Salita ay kasisimula pa lamang sa Tsina, ngunit magkakaroon pa ng mas maraming salita pagkatapos na hayagang magpakita at gumawa ang Diyos sa hinaharap. Kung magiging ano ang Kapanahunan ng Kaharian, kung anong uri ng destinasyon ang papasukin ng sangkatauhan, kung ano ang mangyayari pagkatapos pumasok sa destinasyong iyon, kung paano ang magiging buhay ng sangkatauhan pagkatapos noon, kung anong antas ang maaabot ng likas na gawi ng tao, kung anong uri ng pamumuno at anong uri ng panustos ang kakailanganin, atbp., ang lahat ng ito ay kabilang sa gawain ng Kapanahunan ng Salita. Ang pagsasaklaw ng Diyos sa lahat ay hindi kagaya ng iniisip mo lamang sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Maaari bang kasingsimple lang ng iniisip mo ang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos? Ang pagsasaklaw sa lahat, ang pagiging nasa lahat ng dako, ang walang hanggang kapangyarihan, at ang pagiging kataas-taasan ng Diyos ay hindi mga salitang walang laman—kung sinasabi mo na ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay kumakatawan sa lahat ng bagay tungkol sa Diyos, at na winawakasan ng mga salitang ito ang buong pamamahala ng Diyos, masyado mong minamaliit ang Diyos; hindi ba’t muli itong paglilimita sa Diyos? Dapat mong malaman na ang mga salitang ito ay maliit na bahagi lamang ng Diyos na sumasaklaw sa lahat. Nililimitahan ng lahat ng grupong pangrelihiyon ang Diyos batay sa Bibliya. At ngayon, hindi ba’t nililimitahan din ninyo Siya? Hindi ba ninyo alam na ang paglilimita sa Diyos ay pagmamaliit sa Diyos? Na ito ay pagkondena at paglapastangan sa Diyos? Sa kasalukuyan, iniisip ng karamihan ng mga tao, “Ang sinabi ng Diyos sa panahon ng mga huling araw ay naroroong lahat sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, wala nang iba pang salita mula sa Diyos; iyon na lahat ang sinabi ng Diyos,” tama ba? Malaking pagkakamali ang mag-isip nang ganito! Ang mga salitang nakapaloob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay mga pambungad na salita lamang ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, bahagi lamang ng mga salita sa gawaing ito, ang mga salitang ito ay pangunahing may kaugnayan sa mga katotohanan ng mga pangitain. Kalaunan ay magkakaroon din ng mga salitang binibigkas na may kinalaman sa mga detalye ng pagsasagawa. Samakatuwid, ang pagsasapubliko sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay hindi nangangahulugan na nagwawakas na ang isang yugto ng gawain ng Diyos, lalong hindi ito nangangahulugan na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay nakarating na sa katapus-tapusan. Marami pang salita na ipahahayag ang Diyos, at maging pagkatapos mabigkas ang mga salitang ito, hindi pa rin masasabi ninuman na nagtapos na ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos. Kapag natapos na ang gawain ng buong sansinukob, masasabi lamang ng isang tao na natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos; ngunit sa panahong ito, may mga tao pa kayang umiiral sa sansinukob na ito? Hangga’t umiiral ang buhay, hangga’t umiiral ang sangkatauhan, ang pamamahala ng Diyos ay dapat na nagpapatuloy pa rin. Kapag natapos na ang anim na libong taong plano ng pamamahala, hangga’t umiiral pa rin ang sangkatauhan, ang buhay, at ang sansinukob na ito, pamamahalaan pa rin itong lahat ng Diyos, ngunit hindi na ito tatawaging anim na libong taong plano ng pamamahala. Tatawagin na ito ngayong pamamahala ng Diyos. Marahil ay tatawagin ito sa ibang pangalan sa hinaharap; magiging panibagong buhay iyon para sa sangkatauhan at sa Diyos; hindi maaaring sabihin na gagamitin pa rin ng Diyos ang mga salita sa kasalukuyan para pamunuan ang mga tao, sapagkat ang mga salitang ito ay angkop lamang para sa yugto ng panahong ito. Kaya, huwag ilarawan ang gawain ng Diyos sa anumang pagkakataon. Sinasabi ng ilan, “ang mga salitang ito lamang ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, at wala nang iba pa; ang mga salitang ito lamang ang maaaring sabihin ng Diyos.” Ito ay paglilimita rin sa Diyos sa isang saklaw. Ito ay kagaya lamang, sa kasalukuyan, sa Kapanahunan ng Kaharian, ng paglalapat sa mga salitang binigkas sa kapanahunan ni Jesus—angkop ba iyon? Ang ilan sa mga salita ay mailalapat, at ang ilan ay kailangang buwagin, kaya hindi mo masasabi na ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman mabubuwag. Kaagad bang inilalarawan ng mga tao ang mga bagay-bagay? Sa ilang dako, inilalarawan nga nila ang Diyos. Marahil isang araw ay babasahin mo ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao kagaya ng pagbabasa ng mga tao sa Bibliya sa kasalukuyan, hindi sumasabay sa mga hakbang ng Diyos. Ngayon ang tamang panahon para basahin ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi natin masasabi kung ilang taon ang dadaan na ang pagbabasa nito ay magiging kagaya lang ng pagbabasa sa isang lumang kalendaryo, sapagkat magkakaroon na ng bagong papalit sa luma sa panahong iyon. Nalilikha at napapaunlad ang mga pangangailangan ng mga tao ayon sa gawain ng Diyos. Sa panahong iyon, ang kalikasan ng tao, at ang mga likas na gawi at mga katangian na dapat taglayin ng mga tao ay medyo nagbago na; pagkatapos magbago ng mundong ito, ang mga pangangailangan ng sangkatauhan ay mag-iiba. Itinatanong ng ilan: “Magsasalita ba ang Diyos kalaunan?” Mauuwi ang ilan sa konklusyon na “Hindi makapagsasalita ang Diyos, sapagkat kapag natapos na ang gawain sa Kapanahunan ng Salita, wala nang iba pang masasabi, at alinmang iba pang salita ay huwad.” Hindi ba’t mali rin ito? Madali para sa sangkatauhan na magawa ang pagkakamaling ilarawan ang Diyos; ang mga tao ay kadalasang kumakapit sa nakaraan at inilalarawan ang Diyos. Malinaw na hindi nila Siya nakikilala, ngunit walang habas pa rin nilang inilalarawan ang Kanyang gawain. Napakayabang ng kalikasan ng mga tao! Palagi nilang gustong kumapit sa mga makalumang kuru-kuro ng nakaraan at panatilihin sa puso nila ang mga bagay-bagay mula sa nakaraan. Ginagawa nila itong puhunan, ang pagiging mayabang at palalo, iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, at may lakas pa ng loob na ilarawan ang gawain ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi ba’t hinuhusgahan nila ang Diyos? Bukod pa rito, hindi isinasaalang-alang ng mga tao ang bagong gawain ng Diyos; ipinakikita lamang nito na mahirap para sa kanila na tumanggap ng mga bagong bagay, gayunpaman pikit-mata pa rin nilang inilalarawan ang Diyos. Napakayabang ng mga tao na wala na sila sa katwiran, wala silang pinakikinggan, at ni hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Gayon ang kalikasan ng tao: lubos na mayabang at mapagmagaling, at wala ni kaunti mang pagpapasakop. Ganito ang mga Pariseo nang hatulan nila si Jesus. Inisip nila na “Kahit pa tama Ka, hindi pa rin ako susunod sa Iyo—si Jehova lamang ang tunay na Diyos.” Sa kasalukuyan, may ilan din na nagsasabing: “Siya si Cristo? Hindi ako susunod sa Kanya kahit na Siya pa talaga si Cristo!” May mga nabubuhay bang ganitong klaseng tao? Napakaraming relihiyosong tao ang ganyan. Ipinakikita nito na masyadong tiwali ang disposisyon ng tao, na ang mga tao ay hindi na maliligtas.

Sa mga taong banal sa mga nagdaang kapanahunan, sina Moises at Pedro lamang ang tunay na nakakilala sa Diyos, at sinang-ayunan sila ng Diyos; gayunpaman, kaya ba nilang maarok ang Diyos? Limitado rin ang kanilang nauunawaan. Sila mismo ay hindi nangahas na magsabing kilala nila ang Diyos. Ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos ay hindi Siya inilalarawan, sapagkat natatanto nila na ang Diyos ay hindi makakalkula at hindi masusukat. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ang kadalasang naglalarawan sa Kanya at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Puno sila ng imahinasyon tungkol sa Diyos, madaling nakakalikha ng mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos. Kaya, ang mga naniniwala na nakikilala nila ang Diyos ang pinakapalaban sa Diyos, at sila ang mga tao na pinakananganganib.

Sipi 23

Sabihin mo sa Akin, katotohanan ba na minamahal at kinahahabagan ng Diyos ang tao? (Katotohanan ito.) Katotohanan ba na hindi minamahal ng Diyos ang tao, at sinusumpa at kinokondena pa nga sila? (Katotohanan din ito.) Sa katunayan, ang mga pangungusap na ito ay parehong katotohanan at ganap na wasto. Ngunit hindi simpleng bagay ang sabihin ito, “Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao,” at mahirap para sa mga tao na sabihin ang mga gayong salita; maaari lang bigkasin ang mga ito kapag may kaalaman na ang isang tao sa disposisyon ng Diyos. Kapag nakita mong may ginawa ang Diyos na isang bagay na mapagmahal, sinasabi mo, “Tunay na minamahal ng Diyos ang tao. Iyan ang katotohanan; Diyos ang may gawa nito,” subalit kapag nakita mong may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao—gaya ng pag-kagalit sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo o sa mga anticristo, at pagsumpa sa kanila—iniisip mo, “Hindi minamahal ng Diyos ang tao; kinamumuhian Niya ang tao.” Kung gayon mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ikinakaila Siya. Kaya alin sa dalawang sitwasyong ito ang katotohanan? May mga taong hindi ito maipaliwanag nang malinaw. Sa puso ng mga tao, mas mabuti bang minamahal ng Diyos ang tao, o na hindi Niya minamahal ang tao? Walang dudang gusto ng lahat ng mga tao na minamahal ng Diyos ang tao, at sinasabi nilang ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan. Ngunit hindi nila gustong hindi minamahal ng Diyos ang tao, kaya sinasabi nilang ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay hindi ang katotohanan, at itinatanggi nila ang kasabihang, “Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao.” Ano ang batayan para sa pagpapasya ng tao kung ang ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan o hindi? Ganap itong nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay kung paano man gustuhin ng tao na gawin Niya ang mga bagay-bagay, at hindi ito ang katotohanan maliban kung ang ginagawa ng Diyos ay tumutugon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; kung hindi gusto ng tao ang ginagawa ng Diyos, ang ginagawa ng Diyos ay hindi ang katotohanan. Ang mga tao bang nagpapasya ng katotohanan sa ganoong paraan ay may kaalaman sa katotohanan? (Wala.) Ano ang mga kahihinatnan ng palaging pagbibigay-kahulugan sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Hahantong ba ito sa pagpapasakop sa Diyos, o sa paglaban sa Diyos? Tiyak na hindi sa pagpapasakop sa Diyos—tanging sa paglaban. Iyon bang mga palaging tinatrato ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay mga taong nagpapasakop sa Diyos? O sila ba ay mga taong lumalaban sa Diyos? (Sila ay mga taong lumalaban sa Diyos.) Maaaring matiyak ang puntong ito, at tama na kilalanin ito sa ganitong paraan. Iniisip ng mga tao na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay dapat gaya ng sa isang pastol na humihimas ng tupa, binibigyan sila ng init at kasiyahan, at na dapat nitong matugunan ang kanilang mga emosyonal at pisikal na pangangailangan, kaya pakiramdam ng mga tao ay ganito ang pag-ibig ng Diyos, hindi ba? (Tama, ngunit sa realidad, ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos ng Diyos ay mas kapaki-pakinabang sa buhay ng mga tao.) Pagmamahal pa rin ito ng Diyos para sa tao! Matapos ang lahat ng pag-uusap, pakiramdam pa rin ninyo na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, at na ang hindi Niya pagmamahal sa tao ay hindi ang katotohanan, hindi ba? (Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao.) Paanong hindi minamahal ng Diyos ang tao? Ano bang mayroon sa hindi pagmamahal? Alam nating lahat na minamahal ng Diyos ang tao: Ang Kanyang matuwid na disposisyon, ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina—ang lahat ng ito ay nasa saklaw ng pagmamahal. Kaya, kung hindi minamahal ng Diyos ang tao, bakit ganoon? (Dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon.) Ang paghatol at pagkastigo ba ay buhat sa matuwid na disposisyong iyon? (Oo.) Kung ang paghatol at pagkastigo ay buhat sa matuwid na disposisyong iyon, ang matuwid na disposisyon ba ng Diyos sa tao ay mapagmahal, o hindi mapagmahal? (Ito ay mapagmahal.) Naunawaan na ninyo na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang Kanyang matuwid na disposisyon, ngunit buhat ba sa disposisyong iyon ang hindi pagmamahal sa tao? (Oo.) Paanong may matuwid na disposisyon pa rin ang Diyos kahit hindi Niya mahal ang tao? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng isa pang tanong: Sa palagay ba ninyo ay posible para sa Diyos na hindi mahalin ang tao? Maaari bang magkaroon ng ganoong pagkakataon? (Kapag gumagawa ang tao ng lahat ng uri ng masasamang gawa at sinasaktan ang damdamin ng Diyos, hindi minamahal ng Diyos ang tao.) Ang sinasabi mo ay kondisyonal at batay sa mga paunang kailangan, samantalang ang tinatanong Ko ay hindi pagpapalagay. Ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay tiyak na ang katotohanan, at nauunawaan ito ng lahat. Ngunit may mga pagdududa ang mga tao sa kung ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay katotohanan. Kung malalampasan mo ang usaping ito, malalampasan mo ang karamihan ng mga bagay na ginagawa ng Diyos, at hindi ka makabubuo ng mga kuru-kuro. Kaugnay sa Diyos, ano ang ilan sa pagpapamalas ng hindi Niya pagmamahal sa tao? (Hindi pa tayo mulat sa aspektong ito.) Hindi pa ninyo ito nararamdaman, at hindi pa ninyo ito nararanasan. Anong mga salitang nalalaman natin sa ngayon ang makapagpapaliwanag sa hindi pagmamahal ng Diyos sa tao? Pagkapoot, pagtutol, pagkamuhi, at pagkasuklam; at pati na rin, pag-abandona at pagtataboy. Ito talaga ang mga salita. Nauunawaan ng lahat ang mga salitang ito, kaya maaari bang itumbas ang mga ito sa hindi pagmamahal? (Maaari.) Likas ang mga ito sa pagpapamalas ng hindi pagmamahal ng Diyos sa tao, kaya sa palagay ba ninyo ay katotohanan ang mga ito? (Oo, katotohanan ang mga ito.) Sa inyong pananaw, ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay nangangailangan ng saligan: Gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi mapagmahal sa tao sa konteksto ng pagmamahal sa tao—iyan ang katotohanan. Ipagpalagay nating ang saligang ito ay walang sangkap o batayan para sa pagmamahal, at pagkatapos ay gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi mapagmahal sa tao, na may pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa tao. Hindi ninyo matitiyak kung ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, ni hindi ninyo magagawang ganap na maunawaan ang mga bagay na iyon. Dito nakasalalay ang pinakamahalagang punto ng usapin, at dahil diyan, dapat tayong magbahaginan tungkol dito.

Sa palagay ba ninyo, ang Diyos, bilang Panginoon ng lahat ng nilikha, ay nilikha ang sangkatauhang ito, at nang magawa ito, kailangan Niyang pangalagaan ang mga tao, na pinamamahalaan ang kinakain at iniinom nila at pinatatakbo ang buong buhay at tadhana nila? (Hindi.) Ibig sabihin, nasa kapangyarihan ba ng Diyos na pangalagaan ka kung gusto Niya, at itapon ka sa karamihan o sa isang partikular na kapaligiran kung ayaw ka Niyang pangalagaan, iniiwan ka para lumubog o lumangoy? (Oo.) Yamang nasa kapangyarihan ito ng Diyos, hindi ba’t ito ang katotohanan na walang pakialam ang Diyos sa tao? (Oo.) Naaayon ito sa katotohanan. Paanong masasabing ito ang katotohanan? (Ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng nilikha.) Sa mga tuntunin ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, at sa mga tuntunin ng pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, pangangalagaan ka ng Diyos kung gusto Niya, at kung hindi Niya gustong pangalagaan ka, hindi Niya ito gagawin. Ibig sabihin, naaangkop para sa Diyos na pangalagaan ka kung gusto Niya, at makatwiran kung hindi. Saan ito nakasalalay? Nakasalalay ito sa kung kalooban ba ito ng Diyos o hindi, at ito ang katotohanan. Mayroong mga nagsasabing, “Hindi, yamang nilikha Mo ako, dapat Mong pangalagaan ang aking kakainin at iinumin—dapat Mo akong pangalagaan sa buong buhay ko.” Naaayon ba iyon sa katotohanan? Ito ay di-makatwiran at di naayon sa katotohanan. Kung sinabi ng Diyos, “Matapos kitang likhain, palalayasin kita at hindi na kita pangangalagaan,” ito ang kapangyarihan ng Lumikha. Dahil maaari kang likhain ng Diyos, may kapangyarihan Siyang palayasin ka, sa maganda man o sa masamang lugar. Iyan ang kapangyarihan ng Diyos. Ano ang batayan para sa kapangyarihan ng Diyos? Ito ay ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, kaya maaari ka Niyang pangalagaan o hindi, at sa alinmang kaso, ito ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing ito ang katotohanan? Narito ang dapat maunawaan ng mga tao. Kapag naunawaan mo na ito, malalaman mo kung sino ka, kung sino ang Diyos na sinasampalatayanan mo, at kung ano ang mga pagkakaiba, sa pagitan mo at ng Diyos. Bumalik tayo sa aspekto tungkol sa hindi pagmamahal ng Diyos sa tao. Kailangan bang mahalin ng Diyos ang tao? (Hindi.) Yamang hindi Niya ito kailangang gawin, katotohanan bang hindi minamahal ng Diyos ang tao? (Katotohanan ito.) Hindi ba’t mas pinalilinaw niyan ang mga bagay? Ngayon, pag-usapan natin ito: Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at mayroon silang sataniko at tiwaling disposisyon, kung hindi ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at dadalhin ang sangkatauhan sa Kanya, ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? (Walang relasyon.) Hindi iyan totoo; mayroon talagang relasyon. Anong uri ng relasyon ito? Isa itong mapanlabang relasyon. Mapanlaban ka sa Diyos, at mapanlaban sa diwa ng Diyos ang iyong kalikasang diwa. Samakatuwid, makatwiran bang hindi ka mahalin ng Diyos? Makatwiran bang kapootan, kamuhian, at kasuklaman ka ng Diyos? (Makatwiran ito.) Bakit ito makatwiran? (Dahil walang anumang bagay sa atin ang karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos, at masyadong labis na ginawang tiwali ang ating mga disposisyon.) Ang Diyos ang Lumikha, at isa kang nilikha, ngunit bilang isang nilikha, hindi mo sinunod ang Diyos o pinakinggan ang Kanyang mga salita; sa halip, sinunod mo si Satanas at naging kabaligtaran at kaaway ng Diyos. Minamahal ka ng Diyos dahil mayroon Siyang diwa ng habag: May awa Siya sa iyo, at inililigtas ka Niya. May ganitong diwa ang Diyos. May habag at malasakit ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya. Ang Kanyang pagmamahal sa iyo ay isang pagbubunyag ng Kanyang diwa, na isang aspekto ng katotohanan. Sa kabilang banda, ang sangkatauhan ay hindi karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos. Ang sangkatauhan ay mapagmataas, napopoot sa mga positibong bagay, buktot, marahas, at parehong namumuhi at lumalaban sa Diyos. Kaya, dahil sa diwa ng Diyos—ang Kanyang kabanalan, katuwiran, katapatan, at awtoridad dagdag pa riyan—paano Niya mamahalin ang ganitong sangkatauhan? Maaari bang maging kaayon ng Diyos ang ganitong sangkatauhan? Maaari ba Niya itong mahalin? (Hindi.) Dahil hindi Niya ito maaaring gawin, kapag nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao at gusto Niya silang iligtas, ano ang ipakikita ng Diyos? Sa sandaling makipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao, ipinapakita Niya ang pagkapoot, at pagkamuhi, at itinataboy Niya ang mga gumagawa ng malubhang kasamaan; hindi ito pagmamahal. Kaya katotohanan ba na hindi minamahal ng Diyos ang tao? (Oo.) Na hindi minamahal ng Diyos ang tao ay ang katotohanan. Tama ba na hindi minamahal ng Diyos ang mga lumalaban sa Kanya? (Oo.) Ito ay patas at makatwiran at itinakda ng matuwid na disposisyon ng Diyos, kaya dito rin, katotohanan na hindi minamahal ng Diyos ang tao. Ano ang nagtatakda na ito ang katotohanan? Itinakda ito ng diwa ng Diyos.

Kaya, matapos isaalang-alang ang lahat: Minamahal ba ng Diyos ang tao? (Oo.) Sa katunayan, ayon sa diwa at pagpapamalas ng tao, hindi karapat-dapat ang tao sa pag-ibig ng Diyos, ngunit maaari pa ring lubos na ibigin ng Diyos ang tao. Sa inyong pananaw, ang Diyos ba ang katotohanan? Ang Kanyang diwa ba ay banal? (Oo.) Sa kabilang banda, dahil labis na kasuklam-suklam ang tao at napakalalim ng kanyang katiwalian, maaari bang mahalin ng Diyos ang tao nang walang kahit kaunting pagkamuhi? Kung walang kaunting pagkamuhi, kaunting pagtutol o pagkasuklam, hindi ito naaayon sa diwa ng Diyos. Ang Diyos ay namumuhi, napopoot at nasusuklam sa sangkatauhang ito, ngunit nagagawa pa rin Niyang iligtas ang mga tao, at ito ang tunay na pagmamahal ng Diyos—ang diwa ng Diyos! Ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay dahil sa Kanyang diwa, at na kaya pa rin Niyang mahalin ang tao ay dahil din sa Kanyang diwa. Kaya, ngayong malinaw na ito, alin ang katotohanan: Na minamahal ng Diyos ang tao? O na hindi Niya minamahal ang tao? (Parehong katotohanan ang mga ito.) Ngayon ay nalinaw na ito. Magagawa ba ito ng tao? Walang taong makagagawa nito; wala ni isang tao ang may kaya—ni hindi ng mga tao maging sa kanilang mga sariling anak. Kung palagi kang ginagalit ng anak mo at dinudurog ang iyong puso, magagalit ka sa umpisa, ngunit sa kalaunan ay masusuklam ang iyong puso; kapag napakatagal mo nang nasusuklam dahil sa kanya, tuluyan kang susuko, at sa huli, puputulin mo ang relasyon sa kanya. Ano ang pagmamahal ng tao? Nagmumula ito sa mga pagkagiliw at magkadugong relasyon ng laman, kaya wala itong kinalaman sa katotohanan; ito ang pagmamahal na umuusbong mula sa mga pangangailangan ng laman ng tao at mga pagkagiliw. Ano ang batayan para sa pagmamahal na ito? Batay ito sa mga pagkagiliw, magkadugong relasyon, at interes, at wala ni katiting na katotohanan dito. Ano ang dahilan sa hindi pagmamahal ng tao? Dahil sa pagkamuhi, pagkapoot, at pagkasuklam dulot ng taong nanakit sa kanyang damdamin, hindi na siya nagmamahal; hindi na niya kayang magmahal. Hanggang saan sa tingin ninyo dinurog ng sangkatauhang ito ang puso ng Diyos? (Hindi ito mailalarawan.) Oo, hindi ito mailalarawan. Minamahal pa rin ba ng Diyos ang tao? Hindi mo alam kung minamahal ng Diyos ang tao, ngunit kahit ngayon ay inililigtas ka ng Diyos, palaging gumagawa, nangungusap upang umakay at magkaloob para sa iyo. Hindi ka Niya susukuan hanggang sa pinakahuling sandali, kapag natapos na ang gawain. Hindi ba’t pagmamahal ito? (Oo.) May ganito bang pagmamahal ang sangkatauhan? (Wala.) Kapag wala na ang mga emosyonal na pangangailangan ng mga tao, kapag naputol ang kanilang magkadugong relasyon, at wala nang anumang koneksyon ng interes sa pagitan nila, hindi na sila nagmamahal, wala na ang kanilang pagmamahal, at pinipili na nilang sumuko—na hindi na “magpundar.” Tuluyan na silang sumuko. Ano ang mahalagang pagpapahayag ng pagmamahal? Ito ay ang gumawa ng mga praktikal na bagay at magkamit ng mga resulta, at kung hindi gagawin ang mga bagay na ito na nauugnay sa pagmamahal, walang pagmamahal. May ilang taong nagsasabing kinamumuhian ng Diyos ang tao, ngunit hindi ito ganap na wasto. Kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit nangusap ba Siya sa iyo nang mas kaunti? Pinagkalooban ka ba Niya ng mas kaunting katotohanan? Kumilos ba Siya sa iyo nang mas kaunti? (Hindi.) Samakatuwid, sa pagsasabing kinamumuhian ka ng Diyos, wala kang konsensiya; hindi makatwiran ang iyong mga salita. Hindi mali na kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit minamahal ka pa rin Niya, at napakalaki na ng nagawa Niya sa buhay mo. Isang katunayan ang kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit bakit? Kung nagpasakop ka sa Diyos nang ganap at naging katulad ni Job, kamumuhian ka pa rin ba ng Diyos? Hindi ka na Niya kamumuhian; tanging pagmamahal ang magkakaroon Siya sa iyo. Paano naipapamalas ang pagmamahal ng Diyos? Hindi ito gaya ng pagmamahal ng tao, na tulad ng pagbalot sa isang tao sa bulak. Hindi minamahal ng Diyos ang tao sa gayong paraan: Hinahayaan ka Niyang magkaroon ng normal na buhay ng nilikhang sangkatauhan; hinahayaan ka Niyang maging mulat kung paano mabuhay, paano makaligtas, at paano Siya sambahin; paano maging pinuno sa kalipunan ng lahat ng bagay at magkaroon ng makabuluhang buhay; at hindi gumawa ng mga bagay na walang kabuluhan ni sumunod kay Satanas. Ang kahulugan ba ng pagmamahal ng Diyos ay hindi matatag at malawak? Masyado itong malawak, at ang mga epekto ng paggawa ng Diyos ng ganitong mga bagay ay may napakalaking kahalagahan at ang may pinakamalawak na kabuluhan para sa buong sangkatauhan. Ito ay isang bagay na hindi magagawa ng sinumang tao: Hindi masusukat ang halaga nito, at hindi ito maipagpapalit ng tao sa pera o sa anumang materyal na bagay. Nakikita mo, ang mga tao sa panahon ngayon ay nakauunawa ng ilang katotohanan, at alam nila kung paano sambahin ang Diyos, ngunit alam ba nila ang alinman sa mga ito 20 o 30 taon ang nakalilipas? (Hindi.) Hindi nila alam kung paano nabuo ang Bibliya; hindi nila alam kung ano ang plano ng pamamahala ng Diyos; hindi nila alam kung paano sambahin ang Diyos at mamuhay upang maging isang kwalipikadong nilalang: Hindi nila alam ang alinman sa mga ito. Kaya kung tatalon ka nang dalawampung taon mula ngayon, hindi ba’t magiging mas mahusay ang sangkatauhan sa panahong iyon kaysa sa inyo ngayon? (Magiging mas mahusay sila.) Paano ito mangyayari? Dahil ito sa pagliligtas ng Diyos at sa Kanyang walang hanggang pagmamahal sa tao. Ito ay dahil mayroon Siyang gayong pagpapasensiya, pagpaparaya, at habag para sa tao, kaya napakaraming bagay ang nakamit ng tao. Kung hindi dahil sa dakilang pagmamahal ng Diyos, walang makakamit ang tao.

Sa palagay ba ninyo ay minamahal ng Diyos ang tao? (Oo.) Kinamumuhian ba ng Diyos ang tao? (Oo.) Sa paanong paraan? Sa Kanyang puso, ang Diyos ay tunay na nasusuklam sa tao at napopoot sa kalikasang diwa ng tao. Nasusuklam Siya sa bawat tao, kaya paanong nakakagawa pa rin Siya sa tao? Dahil Siya ay may pagmamahal, at nais Niyang iligtas ang mga taong ito. Hindi ba Niya kinamumuhian ang mga tao kapag inililigtas Niya ang mga ito? Kinamumuhian Niya; sabay na umiiral ang pagkamuhi at pagmamahal. Namumuhi Siya, napopoot Siya, at nasusuklam Siya—ngunit kasabay nito, gumagawa Siya para sa kaligtasan ng tao. Sino sa palagay ninyo ang makagagawa niyan? Walang taong makagagawa niyan. Kapag nakita ng mga tao ang isang taong kinasusuklaman at kinapopootan nila, ayaw na nila itong tingnan, maging ang kausapin ito ay isang kalabisan, o gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kung walang pinagkakasunduan, ang isang salita ay walang kabuluhan.” Gaano karaming salita ang sinabi ng Diyos sa tao? Napakarami. Masasabi mo bang hindi minamahal ng Diyos ang tao? O na hindi Niya kinamumuhian ang tao? (Hindi.) Ang pagkamuhi ay isang katunayan, gayundin ang pagmamahal. Ipagpalagay nating sinasabi mo, “Kinamumuhian tayo ng Diyos; huwag tayong lumapit sa Kanya. Huwag nating hayaang iligtas tayo ng Diyos, upang hindi Siya mainis sa atin sa lahat ng oras.” Tama ba ito? (Hindi.) Hindi mo iniisip ang damdamin ng Diyos, at hindi mo Siya nauunawaan, ni hindi mo Siya kilala. Sa halip, sa pagsasabi nito, naghihimagsik ka laban sa Diyos at dinudurog mo ang Kanyang puso. Dapat mong maunawaan kung bakit kinamumuhian ng Diyos ang tao at kung paano Niya minamahal ang tao. May mga dahilan sa pagmamahal at pagkamuhi ng Diyos; ang bawat isa ay may kanya-kanyang pinagmulan at mga prinsipyo. Kung sinasabi mo, “Dahil iniligtas ako ng Diyos, dapat mahalin Niya ako; hindi Niya ako pwedeng kamuhian,” isa ba itong hindi makatwirang hinihingi? (Oo.) Kahit na kinamumuhian ka ng Diyos, hindi Siya nagpapaliban sa pagliligtas sa iyo at binibigyan ka pa rin Niya ng pagkakataong magsisi. Wala itong epekto sa pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos o sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at patuloy mong natatamasa ang biyaya ng Diyos, kaya bakit nakikipagtalo ka pa rin? Ang pagkamuhi sa iyo ng Diyos ay gaya lang nang nararapat; itinatakda ito ng diwa ng Diyos, at hindi Siya nagpaliban sa pagliligtas sa iyo. Hindi ba’t dapat ay may kaunting kaalaman ang mga tao sa usaping ito? (Dapat.) Ano ang dapat nilang malaman? Dapat nilang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang kabanalan. Paano dapat inaalam ng isang tao ang mga ito? Ano ang tawag dito, kapag labis na kinamumuhian ng Diyos ang sangkatauhang ito ngunit nagagawa Niya pa ring iligtas ito? Masaganang awa. Ito ang nakapaloob sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Tanging ang Diyos ang makagagawa nito; hindi ito gagawin ni Satanas. Bagama’t hindi ka nito kinamumuhian, niyuyurakan ka nito. Kung kinamuhian ka nito, pahihirapan ka nito buong araw, permanenteng ipagkakait pa nga sa iyo ang reengkarnasyon at iiwan ka upang bumulusok sa ikalabingwalong gulong ng impiyerno. Hindi ba’t iyan ang ginagawa ni Satanas? (Iyan nga.) Ngunit tinatrato ba ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan? Talagang hindi. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng sapat na pagkakataon upang magsisi. Samakatuwid, huwag kang matakot na kinamumuhian ka ng Diyos; ang Kanyang pagkamuhi sa iyo ay itinatakda ng Kanyang diwa. Huwag kang tumalikod sa Diyos dahil kinamumuhian ka Niya, na iniisip, “Hindi ako karapat-dapat na iligtas ng Diyos, kaya hindi ako kailangang iligtas ng Diyos; hayaan Siyang malayo sa anumang pag-aalala,” at pagkatapos ay itatakwil mo ang Diyos. Mas lalo kang kamumuhian ka ng Diyos dahil diyan, dahil pinagtaksilan at hiniya mo Siya at hinayaang pagtawanan ka ni Satanas. Sa tingin ba ninyo ay ganito ito? (Minsan kapag nararanasan kong binabalewala o nakakaranas ako ng ilang balakid at kabiguan, pakiramdam ko ay nadurog ko ang puso ng Diyos, at na hindi na Niya ako ililigtas; ang puso ko ay nasa kalagayan ng pag-iwas sa Diyos.) Ang pagdurog mo sa puso ng Diyos ay hindi pansamantalang bagay; matagal na panahon mo nang dinurog ang puso ng Diyos—at higit pa sa isang beses! Ngunit ang talagang pagsuko sa iyong sarili ay katumbas ng pagbibigay-daan sa Diyos na tuluyang sumuko sa iyo at hindi ka iligtas, at pagkatapos ay talagang madudurog ang puso ng Diyos. Hindi sesentensiyahan ng Diyos ang mga tao ng kamatayan o gagawa ng mga konklusyon tungkol sa kanila dahil sa kanilang pag-uugali, sa panandalian o sa loob ng ilang panahon; hindi Niya gagawin iyan. Paano mo malalaman ang disposisyon ng Diyos? Paano maaayos ang mga kuru-kuro at maling paniniwala ng tao? Hindi mo alam kung ano ang iniisip ng Diyos sa maraming bagay o kung paano itumbas ang mga ito sa Kanyang matuwid na disposisyon at sa Kanyang banal na diwa. Hindi mo nauunawaan, ngunit may isang bagay na dapat mong tandaan: Anuman ang gawin ng Diyos, dapat magpasakop ang tao; ang tao ay isang nilikha, gawa sa alabok, at dapat siyang magpasakop sa Diyos. Ito ang tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng tao. Ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao. Kapag may ganitong saloobin ang mga tao, paano nila dapat tratuhin ang Diyos at ang mga bagay na ginagawa ng Diyos? Huwag kondenahin kailanman, baka masalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Kung mayroon kang mga kuru-kuro, ayusin mo ang mga ito, ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos o ang mga bagay na ginagawa Niya. Sa sandaling kondenahin mo ang mga ito, tapos ka na: Katumbas ito ng pagtindig sa panig na salungat sa Diyos, na walang pagkakataong makatanggap ng kaligtasan. Maaari mong sabihin, “Hindi ako tumatayo na salungat sa Diyos ngayon, ngunit mayroon akong maling pagkaunawa sa Diyos,” o “Mayroon akong kaunting pagdududa sa aking puso tungkol sa Diyos; maliit ang aking pananampalataya, at mayroon akong mga kahinaan at pagkanegatibo.” Mapapamahalaan ang lahat ng ito; maaayos ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos. Kung sasabihin mo, “Hindi tama ang ginawa ng Diyos. Hindi ito naaayon sa katotohanan, kaya may dahilan ako upang magduda, magkuwestiyon, at magparatang. Ipagkakalat ko ito sa lahat ng dako at pagbubuklurin ang mga tao sa pagkuwestiyon sa Kanya,” magiging magulo ito. Magbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo, at kung kokondenahin mo ang Diyos, tuluyan kang matatapos; napakaraming paraan kung saan maaaring gumanti ang Diyos sa iyo. Samakatuwid, hindi dapat sadyain ng mga tao na salungatin ang Diyos. Hindi malaking problema kung hindi mo sinasadyang gumawa ng isang bagay upang labanan Siya, dahil hindi ito sinadyang gawin o binalak, at binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon upang magsisi. Kung sinasadya mo itong kondenahin kahit na alam mong ang isang bagay ay gawa ng Diyos, at hinihimok mo ang lahat na sama-samang maghimagsik, ito ay magulo. At ano ang magiging resulta? Matutulad ka sa dalawang daan at limampung pinuno na lumaban kay Moises. Kahit na alam mong ang Diyos iyon, nangangahas ka pa ring maghinanaing sa Kanya. Hindi nakikipagdebate ang Diyos sa iyo: Sa Kanya ang awtoridad; binubuka Niya ang lupa at lalamunin ka nang direkta, at iyon na iyon. Hindi ka na Niya kailanman makikita o hindi na Siya makikinig sa iyong pangangatwiran. Ito ang disposisyon ng Diyos. Ano ang ipinapamalas ng disposisyon ng Diyos sa ngayon? Ito ay poot! Samakatuwid, hindi dapat sa anumang paraan maghinanaing ang mga tao laban sa Diyos o pukawin ang Kanyang poot; kapag may sinumang sumalungat sa Diyos, ang magiging resulta ay perdisyon.

Sipi 24

Mahal ng Diyos ang sangkatauhan—totoo ito at kinikilala ng lahat ang katunayang ito—kaya, paano nga ba minamahal ng Diyos ang tao? (Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, tinutustusan ang tao ng katotohanan, ibinubunyag, hinuhusgahan, dinidisiplina, sinusubok, at pinipino siya, na nagtutulot sa kanyang maunawaan at makamit ang katotohanan.) Ganito ang naranasan at nakita ninyong lahat. Ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan ay nag-iiba depende sa kapanahunan—sa ilang pagkakataon, umaayon ang pagmamahal ng Diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao at nagagawa nila itong maunawaan at makilala agad, pero minsan ay tumataliwas ang pagmamahal ng Diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao at ayaw nila itong tanggapin. Aling mga aspeto ng pagmamahal ng Diyos ang taliwas sa mga kuru-kuro ng mga tao? Ang paghatol, pagkastigo, pagkondena, pagpaparusa, galit, mga pagsumpa, at iba pa ng Diyos. Walang sinuman ang handang harapin ang mga bagay na ito, ni hindi rin nila kayang tanggapin ang mga ito, ni hindi rin nila kailanman naisip na magpapamalas ang pagmamahal ng Diyos sa ganitong paraan. Kung gayon, paano nilimitahan ng tao ang pagmamahal ng Diyos noong una? Sa umpisa ay nilimitahan nila ang pagmamahal ng Diyos sa pagpapagaling ng Panginoong Jesus sa mga may sakit, sa pagpapalayas ng mga demonyo, sa pagpapakain sa limang libong tao ng limang pirasong tinapay at dalawang pirasong isda, sa pagkakaloob ng masaganang biyaya, at sa paghahanap sa mga naligaw—sa kanilang deskripsyon, itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan na parang maliliit na tupa, na hinahaplos sila nang sobrang marahan. Para sa kanila, ito ang bumubuo sa pagmamahal ng Diyos. Kaya, kapag napupuna nilang mahigpit magsalita ang Diyos at nagsasagawa Siya ng paghatol, pagkastigo, pag-usig at pagdidisiplina, sumasalungat ito sa iniisip nilang bersyon ng Diyos kaya nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, nagrerebelde at itinatanggi pa nga ang Diyos. Kung kayo ay isusumpa ng Diyos, sasabihin na wala kayong pagkatao, na hindi ninyo mahal ang katotohanan, at wala kayong ipinagkaiba sa hayop at na hindi Niya kayo ililigtas, ano ang iisipin ninyo? Iisipin ba ninyong hindi totoo ang pagmamahal ng Diyos, na hindi mapagmahal ang Diyos? Mawawala ba ang pananalig ninyo sa Kanya? Sinasabi ng ilan: “Hinahatulan at kinakastigo ako ng Diyos para iligtas ako, pero kung isusumpa Niya ako, hindi ko na Siya tatanggapin bilang aking Diyos. Kung isusumpa ng Diyos ang isang tao, hindi ba’t katapusan na iyon para sa kanya? Hindi ba’t nangangahulugan iyon na maparurusahan siya at mapupunta sa impiyerno? Nang walang nakikitang kahihinatnan, ano pa ang silbi ng pananalig sa Diyos?” Hindi ba’t baluktot ito na kuru-kuro? Kung isusumpa ka ng Diyos balang araw sa hinaharap, susundin mo pa rin ba Siya katulad ng ginagawa mo ngayon? Gagawin mo pa rin ba ang iyong tungkulin? Mahirap itong sabihin. Nagagawa ng ilang tao na magsumikap sa kanilang tungkulin; pinahahalagahan nila ang paghahangad sa katotohanan at handa sila. Gayunpaman, ang iba ay hindi hinahangad ang katotohanan at hindi pinahahalagahan ang pag-unlad ng buhay—binabalewala nila ang mga bagay na ito. Ang iniisip lamang nila ay ang tungkol sa pagtanggap ng mga gantimpala at pakinabang at pagiging kapaki-pakinabang na tao sa sambahayan ng Diyos. Sa tuwing may oras, palagi nilang ibinubuod kung anong gawain ang nagawa nila kamakailan, kung anong mabubuting gawa ang kanilang ginawa para sa iglesia, kung anong malaking halaga ang kanilang ibinayad, at kung anong mga gantimpala at korona ang dapat ibigay sa kanila. Ito ang mga uri ng mga bagay na ibinubuod nila sa kanilang bakanteng oras. Kapag isinusumpa ng Diyos ang mga ganitong tao, hindi ba’t nakagugulat at hindi inaasahan ito para sa kanila? Malamang bang agad silang hihintong manalig sa Diyos? Isa ba itong posibilidad? (Oo.) Ang tanging saloobing dapat taglayin ng isang nilalang sa Lumikha ay yaong pagpapasakop, walang kondisyong pagpapasakop. Ito ay isang bagay na maaaring hindi matanggap ng ilang tao ngayon. Ito ay dahil napakababa ng tayog ng tao at wala silang katotohanang realidad. Kung malamang na magkamali ka ng pagkaunawa sa Diyos kapag may ginagawa ang Diyos na mga bagay na taliwas sa iyong mga kuru-kuro—at malamang na maghimagsik pa nga laban sa Diyos, at ipagkanulo Siya—kung gayon ay malayong magawa mo na magpasakop sa Diyos. Habang ang tao ay tinutustusan at dinidiligan ng salita ng Diyos, nagsisikap talaga siya para sa iisang mithiin, na magawang makamtan ang walang kondisyon, lubos na pagpapasakop sa Diyos sa dakong huli—kung kailan, ikaw, ang nilikhang ito, ay nakaabot na sa kinakailangang pamantayan. May mga panahon na sinasadya ng Diyos na gumawa ng mga bagay na taliwas sa mga kuru-kuro mo, at sinasadya Niyang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ninanais mo, at maaari pa ngang tila taliwas sa katotohanan, walang pagsasaalang-alang sa iyo, at hindi umaayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Ang mga bagay na ito ay maaaring mahirap para sa iyo na tanggapin, maaaring hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at gaano mo man suriin ang mga ito, maaaring mali ang mga ito sa iyo at hindi mo magawang tanggapin ang mga ito, maaaring madama mo na wala sa katwiran ang Diyos para gawin ito—ngunit ang totoo, sinadya ng Diyos na gawin ito. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para subukin at ibunyag ka, para makita kung magagawa mo bang hanapin ang katotohanan o hindi, kung may tunay ka bang pagpapasakop sa Diyos o wala. Huwag maghanap ng batayan para sa lahat ng ginagawa at hinihingi ng Diyos, at huwag magtanong kung bakit. Walang silbi ang subukang mangatwiran sa Diyos. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at magkaroon ng kakayahan na lubos na magpasakop. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang iyong Diyos. Mas mataas ito kaysa anumang pangangatwiran, mas mataas kaysa anumang makamundong karunungan, mas matayog kaysa anumang moralidad, etika, kaalaman, pilosopiya, o tradisyonal na kultura ng tao—mas mataas maging sa mga damdamin ng tao, sa pagiging matuwid ng tao, at sa tinaguriang pag-ibig ng tao. Mas mataas ito kaysa anupaman. Kung hindi ito malinaw sa iyo, darating ang isang araw sa malao’t madali na may mangyayari sa iyo at babagsak ka. Pinakamababa nang magrerebelde ka sa Diyos at tatahak sa lihis na landas; kung sa huli ay magagawa mong magsisi, at makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at makilala ang kahalagahan ng gawain ng Diyos sa iyo, magkakaroon ka pa rin ng pag-asang maligtas—ngunit kung ikaw ay mahulog dahil sa bagay na ito at hindi mo nagawang bumangon, wala ka nang pag-asa. Hinahatulan man, kinakastigo, o isinusumpa ng Diyos ang mga tao, ang lahat ng ito ay para mailigtas sila, at hindi sila dapat matakot. Ano ang dapat mong ikatakot? Dapat mong katakutan ang pagsasabi ng Diyos ng, “Itinataboy kita.” Kapag sinabi ito ng Diyos, nasa panganib ka: Ibig sabihin nito ay hindi ka ililigtas ng Diyos, na wala ka nang pag-asang maligtas. Kaya, sa pagtanggap sa gawain ng Diyos, dapat na maunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, huwag mong hanapan ng mali ang mga salita ng Diyos, at sabihing, “Ayos lang ang paghatol at pagkastigo, pero ang pagkondena, pagsumpa, pagwasak—hindi ba’t ibig sabihin noon ay katapusan na ng lahat sa akin? Ano pa ang silbi ng pagiging isang nilikha? Kaya hindi na ako magiging isang nilikha, at hindi Ka na magiging Diyos ko.” Kung tinatanggihan mo ang Diyos at hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, maaaring itakwil ka talaga ng Diyos. Alam ba ninyo ito? Gaano man katagal nang nananalig ang mga tao sa Diyos, gaano man karaming daan ang nalakbay na nila, gaano man karami ang gawain na nagawa na nila, o gaano man karaming tungkulin ang nagampanan na nila, ang lahat ng ginawa nila sa panahong ito ay para mapaghandaan ang isang bagay. Ano iyon? Naghahanda sila para magkaroon sa huli ng lubusang pagpapasakop sa Diyos, ng walang kondisyong pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “walang kondisyon”? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka mangangatwiran, at wala kang sasabihin tungkol sa mga sarili mong obhektibong dahilan, ibig sabihin nito ay wala kang magiging walang-saysay na pagtutol; hindi ka karapat-dapat para dito, dahil isa kang nilikha. Kapag gumagawa ka ng walang-saysay na pagtutol sa Diyos, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at kapag sinusubukan mong mangatwiran sa Diyos—muli, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan. Huwag kang makipagtalo sa Diyos, huwag mo palaging subukang isipin ang dahilan, huwag kang magpumilit na makaunawa bago magpasakop, at huwag magpasakop kapag hindi mo nauunawaan. Kapag ginawa mo ito, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, kung gayon ay hindi lubos ang iyong pagpapasakop sa Diyos; ito ay pagpapasakop na depende sa sitwasyon at may kondisyon. Ang mga gumagawa ba ng kondisyon para sa kanilang pagpapasakop sa Diyos ay mga tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos? Tinatrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Sinasamba mo ba ang Diyos bilang ang Lumikha? Kung hindi, hindi ka kinikilala ng Diyos. Ano ang dapat mong maranasan para matamo ang walang pasubali at walang kondisyong pagpapasakop sa Diyos? At paano ka dapat dumanas? Una, dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at dapat nilang tanggapin ang pagpupungos. Bukod pa rito, dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos, dapat nilang hangarin ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, dapat nilang maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa buhay pagpasok, at matamo ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung minsan, ito ay lampas sa kakayahan ng mga tao, at wala silang mga kapasidad na makabatid para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, at kaya lamang makaunawa nang kaunti kapag nagbabahagi ang iba sa kanila o sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral mula sa iba’t ibang sitwasyong nilikha ng Diyos. Ngunit kailangan mong malaman na dapat kang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Diyos o gumawa ng mga kondisyon; ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kung ano ang nararapat na gawin, sapagkat Siya ang Lumikha at ikaw ay isang nilikha. Dapat kang magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at hindi ka dapat palaging humihingi ng dahilan o nagsasalita tungkol sa mga kondisyon. Kung wala ka ng kahit na pinakapayak na saloobin ng pagpapasakop, at malamang pa na magduda o mag-ingat sa Diyos, o mag-isip, sa iyong puso, “Kailangan kong makita kung ililigtas talaga ako ng Diyos, at kung talagang matuwid ang Diyos. Sinasabi ng lahat na ang Diyos ay pag-ibig—kung gayon, kailangan kong makita kung may pag-ibig nga talaga sa ginagawa sa akin ng Diyos, kung pag-ibig talaga ito,” kung palagi mong sinusuri kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa mo, o maging sa pinaniniwalaan mo na katotohanan, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at nasa panganib ka: Malamang na malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Ang mga katotohanang may kinalaman sa pagpapasakop ay mahalaga, at walang katotohanan ang maaaring lubos at malinaw na maipaliliwanag sa pamamagitan lamang ng dalawang pangungusap; ang lahat ng ito ay nauugnay sa iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng mga tao. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi matatamo sa isa o dalawang taon—o sa tatlo o lima. Nangangailangan ito ng pagdanas ng maraming bagay, pagdanas ng maraming paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng maraming pagpupungos. Kapag natamo mo na ang kakayahang magsagawa ng katotohanan, saka lamang magiging epektibo ang paghahangad mo sa katotohanan, at saka ka lamang magtataglay ng katotohanang realidad. Tanging ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad ang mga may tunay na karanasan.

Sipi 25

Ilang taon matapos magsimula ang yugtong ito ng gawain, may isang taong nananalig sa Diyos pero hindi hinangad ang katotohanan; ang ginusto lamang niya ay kumita ng pera at makahanap ng makakatuwang sa buhay, na maging buhay-mayaman, kung kaya’t iniwan niya ang iglesia. Matapos magpagala-gala sa loob ng ilang taon, hindi inaasahan na siya ay nagbalik. Nakadama siya ng matinding pagsisisi sa kanyang puso, at tumangis siya nang husto. Pinatunayan nito na hindi tuluyang iniwan ng puso niya ang Diyos, na isang mainam na bagay; mayroon pa rin siyang pagkakataon at pag-asa na maligtas. Kung tumigil siya sa pananalig, naging katulad ng mga walang pananampalataya, magiging lubos na katapusan na sana niya. Kung tunay siyang makapagsisisi, may pag-asa pa siya; ito ay bihira at mahalaga. Paano man kumilos ang Diyos, at paano man Niya tratuhin ang mga tao—kahit na kinamumuhian, kinasusuklaman, o isinusumpa Niya ang mga ito—kung darating ang araw na kagyat na makapagbabago sila, Ako ay lubhang magiginhawaan, dahil mangangahulugan ito na mayroon pa rin silang kaunting puwang sa kanilang puso para sa Diyos, na hindi nila ganap na naiwala ang kanilang pantaong katinuan o ang kanilang pagkatao, na nais pa rin nilang maniwala sa Diyos, at na kahit paano ay mayroon silang bahagyang intensyon na kilalanin Siya at bumalik sa harapan Niya. Para sa mga taong tunay na nasa puso ang Diyos, kahit kailan pa nila nilisan ang sambahayan ng Diyos, kung sila ay bumalik at pinahahalagahan pa rin nila ang pamilyang ito, kahit paano ay madamdaming mapapalapit Ako at bahagyang magiginhawaan dito. Gayunpaman, kung hindi sila bumalik kailanman, iisipin Ko na ito ay kahabag-habag. Kung makababalik sila at tunay na makapagsisisi, talagang mapupuno ng kasiyahan at kaginhawahan ang Aking puso. Na ang taong ito ay may kakayahan pa ring bumalik ay nagpapahiwatig na hindi niya nakalimutan ang Diyos; nagbalik siya dahil sa kanyang puso, hinahanap-hanap pa rin niya ang Diyos. Nakakaantig talaga nang magkita kami. Noong lumayo siya, talagang napakanegatibo niya, at nasa masamang kalagayan siya; ngunit kung makababalik na siya ngayon, nagpapatunay ito na mayroon pa rin siyang pananampalataya sa Diyos. Gayunpaman, kung makakaya man niya o hindi na patuloy na sumulong ay isang bagay na di-batid, sapagkat napakabilis magbago ng mga tao. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon si Jesus ng habag at biyaya para sa mga tao. Kung ang isa sa sandaang tupa ay naligaw, iiwan Niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isa. Ang pangungusap na ito ay hindi naglalarawan ng isang uri ng mekanikal na kilos, o ng isang regulasyon; sa halip, ipinakikita nito ang agarang layunin ng Diyos na maghatid ng kaligtasan sa mga tao, pati na rin ng Kanyang malalim na pagmamahal para sa kanila. Hindi ito isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay; ito ay isang uri ng disposisyon, isang uri ng pag-iisip. Sa gayon, nililisan ng ilang tao ang iglesia nang anim na buwan o isang taon, o datapuwat marami ang taglay na mga kahinaan o datapuwat dumaranas ng maraming maling pagkaunawa, at gayunman ay ang kakayahan nilang gumising kalaunan sa realidad, magkamit ng kaalaman at kagyat na magbago, at bumalik sa tamang landas ay lalo nang nagpapaginhawa sa Akin at nagdudulot sa Akin ng kapirasong katuwaan. Sa mundong ito ng pagsasaya at karangyaan, at sa masamang kapanahunang ito, ang kakayahang kilalanin ang Diyos at makabalik sa tamang landas ay isang bagay na nagdudulot ng bahagyang ginhawa at kasabikan. Ang pagpapalaki ng mga anak, halimbawa: Mapagmahal man sila sa magulang o hindi, ano ang iyong mararamdaman kung hindi ka nila kinilala, at nilisan ang tahanan, na hinding-hindi na magbabalik? Sa kaibuturan, mananatili ka pa ring nagmamalasakit sa kanila, at palagi mong iniisip, “Kailan babalik ang aking anak? Nais ko siyang makita. Maging anupaman, anak ko siya, at hindi walang-saysay na pinalaki at minahal ko siya.” Ganito ka laging mag-isip; lagi kang nananabik sa pagdating ng araw na iyon. Pareho ang nararamdaman ng lahat pagdating sa bagay na ito, at hindi pa pinag-uusapan dito ang Diyos—hindi ba mas higit Siyang umaasa na mahahanap ng tao ang daan pabalik matapos maligaw, na babalik ang alibughang anak? Mababa ang tayog ng mga tao sa panahong ito, ngunit darating ang araw na mauunawaan nila ang layunin ng Diyos—maliban na lang kung wala silang interes sa tunay na pananampalataya, maliban kung sila ay mga hindi mananampalataya, kung magkagayon ay hindi na sila iintindihin pa ng Diyos.

Sipi 26

Mayroong iba’t ibang uri ng tao, at sila ay nagkakaiba-iba ayon sa uri ng espiritung mayroon sila. Ang ilang tao ay may espiritu ng tao, at sila ang paunang itinakda at pinili ng Diyos. Ang ilan ay walang espiritu ng tao; sila ay mga demonyong nakapanlinlang upang makapasok. Sila na hindi paunang itinalaga at pinili ng Diyos ay hindi maililigtas kahit pa napasok nila ang sambahayan ng Diyos, at sa huli, sila ay malalantad at matitiwalag. Kung tatanggapin man ng mga tao ang gawain ng Diyos, at, matapos nila itong tanggapin, kung ano mang uri ng landas ang kanilang lalakaran at kung kaya man nilang magbago, lahat ito ay nakasalalay sa espiritu at kalikasan sa kanilang kalooban. Ang ilang tao ay hindi maiwasang lumihis; itinatakda ng kanilang espiritu na maging gayong tao sila, at hindi sila maaaring magbago. Sa ilang tao, hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi sila naglalakad sa tamang landas; gayunpaman, kung makapagbabago sila, ang Banal na Espiritu ay maaari pa ring gumawa. Kung hindi sila makapagbabago, matatapos ang lahat para sa kanila. Ang bawat uri ng sitwasyon ay umiiral, ngunit ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat tao. Paano nalalaman at nauunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Natatanggap ng matutuwid ang Kanyang mga pagpapala at ang masasama naman ay isinusumpa Niya. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan Niya ang masasama, at pinagkakalooban Niya ang bawat tao ayon sa mga ginawa nito. Tama ito, pero sa kasalukuyan ay may ilang pangyayaring hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, gaya ng, may ilang nananalig sa Diyos at sumasamba sa Kanya na pinapatay o nakakakuha ng Kanyang mga sumpa, o na hindi kailanman pinagpala ng Diyos o binigyan ng atensyon; gaano man katindi ang pagsamba nila sa Kanya, sila ay hindi Niya pinapansin. Mayroong ilang masamang taong hindi pinagpapala ni pinaparusahan ng Diyos, pero mayayaman sila at marami silang anak, at maganda ang lahat ng nangyayari sa kanila; matagumpay sila sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, “Sinasamba namin ang Diyos, pero wala pa kaming natatanggap na mga pagpapala mula sa Kanya, habang ang masasamang taong hindi sumasamba sa Diyos at lumalaban sa Kanya ay mas maganda at masagana ang buhay ng kaysa sa amin. Hindi matuwid ang Diyos!” Ano ang ipinapakita nito sa inyo? Kabibigay Ko lang sa inyo ng dalawang halimbawa. Alin ang naghahayag ng pagiging matuwid ng Diyos? May ilang taong nagsasabi na, “Pareho silang nagpapamalas ng pagiging matuwid ng Diyos!” Bakit nila sinasabi ito? May mga prinsipyo sa likod ng mga pagkilos ng Diyos—hindi lang ito malinaw na nakikita ng mga tao, at dahil hindi nila kayang makita ang mga ito nang malinaw, hindi nila maaaring sabihin na hindi matuwid ang Diyos. Nakikita lamang ng tao kung ano ang nasa panlabas; hindi niya nakikita ang mga bagay-bagay sa kung ano ba talaga ang mga ito. Kaya, anuman ang ginagawa ng Diyos ay matuwid, gaano man ito hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming tao ang laging nagrereklamo na hindi matuwid ang Diyos. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan kung ano ba talaga ang sitwasyon. Madali para sa kanilang magkamali kapag lagi nilang tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Umiiral ang kaalaman ng mga tao kasama ng sarili nilang mga kaisipan at opinyon, sa loob ng ideya nila ng mga transaksiyon o sa loob ng mga pananaw nila sa kabutihan at kasamaan, sa tama at mali, o sa lohika. Kapag nakikita ng isang tao ang mga bagay na galing sa ganitong mga pananaw, madali para sa kanya na hindi maintindihan ang Diyos at na magkaroon ng mga kuru-kuro, at lalaban ang taong iyon sa Diyos at magrereklamo tungkol sa Kanya. Mayroong isang mahirap na taong ang pagsamba lamang sa Diyos ang alam niya, pero hindi siya pinansin ng Diyos, at siya ay hindi rin Niya pinagpala. Marahil ay iniisip ninyo, “Kahit na hindi siya pinagpala ng Diyos sa buhay na ito, siguradong pagpapalain siya ng Diyos magpasawalang hanggan at gagantimpalaan siya nang sampung libong beses. Hindi ba’t ginagawa nitong matuwid ang Diyos? Magtatamasa ang isang mayamang tao ng isang daang beses na dami ng mga pagpapala sa buhay na ito, at magpasawalang hanggan siyang mawawasak. Hindi ba’t pagiging matuwid din ito ng Diyos?” Paano dapat maunawaan ng isang tao ang pagiging matuwid ng Diyos? Gamitin nating halimbawa ang pag-unawa sa gawain ng Diyos: Kung winakasan ng Diyos ang Kanyang gawain noong natapos na Niya ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at hindi Niya ginawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, at hindi Niya lubusang niligtas ang sangkatauhan, na nagresulta sa ganap na pagkalipol ng sangkatauhan, maituturing ba natin Siya na mayroong pagmamahal at pagiging matuwid? Kung ang mga sumasamba sa Diyos ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, habang ang mga hindi sumasamba sa Diyos at ni hindi nakakaalam na mayroong Diyos ay hinayaan ng Diyos na mabuhay, ano ang iisipin natin dito? Kapag pinag-uusapan ang konteksto ng doktrina, karaniwan na laging sinasabi ng mga tao na matuwid ang Diyos, pero kung nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, maaaring hindi nila kayang makaunawa nang tama at maaari pa ngang magreklamo sila tungkol sa Diyos at husgahan Siyang hindi matuwid.

Dapat lubos na maunawaan ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos at dapat itong ipaliwanag at maintindihan batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, dapat ding pagdaanan ng isang tao ang tunay na karanasan at makamtan ang kaliwanagan ng Diyos para tunay niyang makilala ang pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos. Ang pagsusuri ng isang tao sa pagmamahal at pagiging matuwid ng Diyos ay hindi dapat ibatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinaparusahan ang masasama, pinagkakalooban ng kabutihan ang mabubuting tao at pinagkakalooban ng kasamaan ang masasamang tao, at ang mga taong hindi gumagawa ng masama ay dapat pagkalooban ng kabutihan at makatanggap ng mga pagpapala. Tila ba ipinapakita nito na, sa lahat ng kaso kung saan hindi masama ang mga tao, dapat silang pagkalooban ng kabutihan; ito lamang ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kuru-kuro ng mga tao? Pero paano kung bigo silang mapagkalooban ng kabutihan? Sasabihin mo bang hindi matuwid ang Diyos? Halimbawa, noong kapanahunan ni Noe, sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa” (Genesis 6:13). Pagkatapos ay inutusan Niya si Noe na gawin ang arka. Pagkatapos tanggapin ni Noe ang atas ng Diyos at gawin ang arka, bumuhos sa mundo ang malakas na ulan sa loob ng apatnapung araw at gabi, nalubog ang buong mundo sa baha at, maliban kay Noe at sa pitong miyembro ng kanyang pamilya, nilipol ng Diyos ang lahat ng tao sa kapanahunang iyon. Ano ang tingin mo rito? Masasabi mo bang hindi mapagmahal ang Diyos? Para sa mga tao, gaano man katiwali ang sangkatauhan, basta’t lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan, ibig sabihin nito ay hindi Siya mapagmahal—tama ba sila sa paniniwala rito? Hindi ba’t katawa-tawa ang paniniwalang ito? Hindi minahal ng Diyos ang mga taong nilipol Niya, pero masasabi mo ba talaga na hindi Niya minahal ang mga nabuhay at nakatamo ng Kanyang kaligtasan? Buong-pusong minahal ni Pedro ang Diyos at minahal ng Diyos si Pedro—talaga bang masasabi mong hindi mapagmahal ang Diyos? Mahal ng Diyos ang mga tunay na nagmamahal sa Kanya at kinapopootan at sinusumpa Niya ang mga taong lumalaban sa Kanya at tumatangging magsisi. Ang Diyos ay mayroong pagmamahal at poot, iyan ang katotohanan. Hindi dapat limitahan o husgahan ng mga tao ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, dahil ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, na paraan nila ng pagtingin sa mga bagay-bagay, ay walang anumang katotohanan. Dapat makilala ang Diyos batay sa saloobin Niya sa tao, sa Kanyang disposisyon at diwa. Hinding-hindi dapat subukan ng isang tao na tukuyin kung anong diwa ang mayroon ang Diyos batay sa panlabas na anyo ng mga bagay na ginagawa at inaasikaso ng Diyos. Napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; hindi nila alam ang kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, lalo na kung ano ang tiwaling sangkatauhan sa harap ng Diyos, o kung paano sila dapat tratuhin ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Gawing halimbawa si Job, siya ay isang matuwid na tao at pinagpala siya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Nakipagpustahan si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Diyos? Hindi Mo ba kinulong siya, at ang kanyang sambahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawat dako? Iyong pinagpala ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan Mo siya ng Iyong kamay ngayon, at galawin Mo ang lahat niyang tinatangkilik, at susumpain Ka niya ng mukhaan” (Job 1:9–11). Sinabi ng Diyos na si Jehova, “Lahat niyang tinatangkilik ay nasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay” (Job 1:12). Kaya’t nagpunta si Satanas kay Job at inatake at tinukso si Job, at naharap si Job sa mga pagsubok. Ang lahat ng mayroon siya ay kinuha sa kanya—nawala ang kanyang mga anak at pag-aari, at ang kanyang buong katawan ay nabalot ng pigsa. Ngayon, ang matuwid bang disposisyon ng Diyos ay nasa loob ng mga pagsubok kay Job? Hindi ninyo masabi nang malinaw, hindi ba? Kahit na ikaw ay isang matuwid na tao, may karapatan ang Diyos na isailalim ka sa mga pagsubok, at tulutan kang magpatotoo sa Kanya. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid; pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat. Hindi naman sa ang mga taong matuwid ay hindi na kailangang sumailalim sa mga pagsubok kahit na kaya nila ang mga ito o na dapat silang protektahan; hindi ito ang kaso. May karapatan ang Diyos na isailalim ang matutuwid na tao sa mga pagsubok. Ito ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa huli, matapos na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok at magpatotoo kay Jehova, pinagpala siya ni Jehova nang higit pa kaysa dati, nang mas mainam pa nga kaysa dati, at dinoble ng Diyos ang mga pagpapalang ibinibigay sa kanya. Bukod dito, nagpakita sa kanya si Jehova, at kinausap siya mula sa hangin, at nakita ni Job ang Diyos na tila kaharap niya ang Diyos. Isa itong pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Ito ang katuwiran ng Diyos. Paano kung noong matapos sumailalim sa mga pagsubok at nakita ni Jehova kung paano nagpatotoo si Job sa Kanya sa presensya ni Satanas at ipinahiya si Satanas ay tumalikod at umalis na si Jehova, hindi siya pinansin, at hindi tumanggap si Job ng mga pagpapala pagkatapos—magkakaroon ba ito ng katuwiran ng Diyos? Pinagpala man si Job pagkatapos ng mga pagsubok o hindi, o kung si Jehova ay nagpakita man sa kanya o hindi, lahat ng ito ay naglalaman ng mabuting kalooban ng Diyos. Maaaring ang pagpapakita kay Job ay pagiging matuwid ng Diyos, at ang hindi pagpapakita sa kanya ay pagiging matuwid din ng Diyos. Sa anong batayan ka—na isang nilikhang nilalang—may mga kahingian sa Diyos? Ang mga tao ay hindi kwalipikado na magkaroon ng mga kahingian sa Diyos. Wala nang mas hindi makatwiran pa kaysa sa paggawa ng mga kahingian sa Diyos. Gagawin Niya ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. Ano ang sasabihin ninyo—ang pagwasak ba ng Diyos kay Satanas ay isang pagpapahayag ng Kanyang pagiging matuwid? (Oo.) Paano kung hinayaan Niyang manatili si Satanas? Hindi ka mangangahas na sabihin ito, oo? Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? “Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?” Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos. Kahit na napakaraming tao ang nananalig sa Diyos sa mundo ng relihiyon, kakaunti ang kayang malaman ang Kanyang disposisyon. Nang subukan ng ilang tao na ipalaganap ang ebanghelyo sa mga relihiyosong tao at ipabasa sa kanila ang mga salita ng Diyos, hindi lang sila hindi naghanap at nagsaliksik, sinunog pa nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at pinarusahan sila. Ang iba ay naniwala sa mga sabi-sabi, nilapastangan nila ang Diyos at sila ay pinarusahan. Marami nga talaga, hindi na mabilang ang mga halimbawa ng ganitong uri ng bagay na nangyayari. May mga bagong mananampalatayang mapagmataas at mayabang, kaya hindi nila ito tinatanggap kapag naririnig nila ito—nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Nakikita ng Diyos na ikaw ay hangal at mangmang at hindi ka Niya pinapansin, pero darating ang araw na ipapaintindi Niya sa iyo. Kung maraming taon ka nang sumusunod sa Diyos pero ganito ka pa rin umasal, kumakapit sa iyong mga kuru-kuro gaano man karami ang mga ito, at hindi mo na nga hinahangad ang katotohanan para lutasin ang mga isyu, ikinakalat mo pa ang iyong mga kuru-kuro sa lahat ng lugar at kinukutya at ginagawa mo pang katatawanan ang sambahayan ng Diyos, dapat kang maharap sa paghihiganti. Sa ilang kaso, maaari kang mapatawad ng Diyos dahil naging hangal at mangmang ka lamang, pero kung mas nauunawaan mo ito at sinasadya mo pa ring umasal nang ganoon, hindi nakikinig gaano man karaming payo ang ibinibigay sa iyo, karapat-dapat lang na parusahan ka ng Diyos. Alam mo lang ang mapagparayang katangian ng Diyos, pero huwag mong kalimutan na mayroon din Siyang katangian na hindi nalalabag, ito ang Kanyang matuwid na disposisyon.

Sipi 27

“Ang kalapastanganan at paninirang-puri sa Diyos ay isang kasalanang hindi patatawarin sa buhay na ito o sa darating na mundo, at ang mga gumagawa ng kasalanang ito ay hindi kailanman marereinkarnasyon.” Nangangahulugan ito na hindi kinukunsinti ng disposisyon ng Diyos na salungatin ito ng tao. Tiyak at walang pag-aalinlangan na hindi patatawarin ang kalapastanganan at paninirang-puri sa Diyos sa buhay na ito o sa darating na mundo. Ang kalapastanganan sa Diyos, sinadya man ito o hindi, ay isang bagay na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, at ang pagsasabi ng mga salitang lumalapastangan sa Diyos, anuman ang dahilan, ay tiyak na kokondenahin. Gayunpaman, may mga taong nagsasabi ng mga salitang kakonde-kondena at lapastangan sa mga sitwasyon kung saan hindi nila ito naiintindihan, o kung saan sila ay nailihis, kinontrol, at sinikil ng iba. Matapos nilang sabihin ang mga salitang ito, hindi sila mapalagay, pakiramdam nila ay naakusahan sila, at labis ang pagsisisi nila. Pagkatapos nito, naghahanda sila ng sapat na mabubuting gawa habang nagkakamit ng kaalaman at nagbabago rito, at hindi na tinatandaan ng Diyos samakatuwid ang kanilang mga dating pagsalangsang. Dapat ninyong tumpak na malaman ang mga salita ng Diyos at hindi arbitraryong gamitin ang mga ito ayon sa inyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Dapat ninyong maintindihan kung kanino nakatuon ang Kanyang mga salita, at kung ano ang konteksto ng Kanyang sinasabi. Hindi ninyo dapat arbitraryong gamitin o kaswal na bigyang kahulugan ang mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi alam kung paano dumanas ay hindi pinagninilayan ang kanilang sarili sa anumang bagay, at hindi nila ikinukumpara ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos, habang ang mga may ilan nang karanasan at kabatiran ay madaling maging sobrang sensitibo, arbitraryong ikinukumpara ang sarili nila sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang Kanyang mga sumpa o ang Kanyang pagkamuhi at pagtitiwalag sa mga tao. Hindi naiintindihan ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos at palaging mali ang pagkaunawa nila sa Kanya. May ilang taong hindi binasa ang mga kasalukuyang salita ng Diyos o siniyasat ang kasalukuyan Niyang gawain, o nakamit man lang ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Nagsalita sila ng panghuhusga sa Diyos, at pagkatapos ay may isang taong nagpalaganap ng ebanghelyo sa kanila, na kanilang tinanggap. Pagkatapos nito, pinagsisihan nila ang kanilang ginawa at handa silang magbago, kung saan makikita natin ang kanilang magiging mga pag-uugali at pagpapamalas sa hinaharap. Kung ang pag-uugali nila ay labis na hindi mabuti pagkatapos nilang magsimulang manalig, at ginawa pa nila itong mas masahol sa pag-iisip na, “Nagsabi na ako ng mga salitang lumalapastangan, naninirang-puri, at nanghuhusga sa Diyos, at kung kokondenahin ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao, wala nang silbi ang aking mga paghahangad,” kung gayon ay ganap na katapusan na nila. Inabandona na nila ang kanilang sarili sa kawalan ng pag-asa at hinukay ang sarili nilang libingan.

Karamihan sa mga tao ay sumalangsang at dinungisan ang kanilang sarili sa ilang partikular na paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga kalapastanganang bagay; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at hindi ginampanan ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ipinagkanulo ng ilan ang Diyos nang lagdaan nila ang “Tatlong Sulat” noong arestuhin sila; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay ginulo nang madalas ang buhay-iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinagmalupitan ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay gumawa ng kalaswaan at kahalayan, at naging masamang impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga paglabag at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi at mamamatay bago magsisi. Kaya dapat tratuhin ang mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang hindi nagbabagong pag-uugali. Ang mga puwedeng magsisi ay ang mga tunay na nananalig sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, ang mga dapat alisin at patalsikin ay aalisin at patatalsikin. Ang ilang tao ay masama, ang ilan ay hangal, ang ilan ay mangmang, at ang ilan ay mga halimaw. Magkakaiba ang bawat isa. Sinasapian ng masasamang espiritu ang ilang masasamang tao, habang ang iba naman ay mga kampon ni Satanas at ng mga diyablo. Ang ilan ay partikular na masama ayon sa kalikasan, ang ilan ay partikular na mapanlinlang, ang ilan ay sadyang sakim pagdating sa pera, at ang iba naman ay nagpapakasasa sa kahalayan. Magkakaiba ang pag-uugali ng bawat tao, kaya dapat tingnan ang lahat ng tao sa komprehensibong paraan alinsunod sa kanilang indibiduwal na kalikasan at mga hindi nagbabagong pag-uugali. Ayon sa mga likas na gawi ng mortal na laman ng tao, ang bawat tao ay may kalayaang magpasya sino man sila. Kaya nilang pag-isipan ang mga bagay-bagay ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at wala silang kakayahang tuwirang maarok ang espirituwal na mundo o magkaroon ng anumang paraan para malaman ang katotohanan nito. Halimbawa, kapag nananalig ka sa tunay na Diyos at gusto mong tanggapin ang yugtong ito ng Kanyang bagong gawain, pero walang dumating para ipalaganap ang ebanghelyo sa iyo at tanging ang gawain lamang ng Banal na Espiritu ang nagbibigay-liwanag at gumagabay sa iyo kung saan, masyadong limitado ang nalalaman mo. Imposible para sa iyo na malaman kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos ngayon at kung ano ang isasakatuparan Niya sa hinaharap. Hindi maaarok ng mga tao ang Diyos; wala silang kakayahang gawin ito, at hindi rin sila nagtataglay ng kakayahang tuwirang maunawaan ang espirituwal na mundo o lubusang maunawaan ang gawain ng Diyos, lalo na ang pagsilbihan Siya nang may lubusang pagkukusang-loob tulad ng isang anghel. Maliban na lang kung sakupin, iligtas, at baguhin muna ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, o diligan at tustusan sila ng mga katotohanang Kanyang ipinapahayag, hindi magagawa ng mga tao na matanggap ang bagong gawain, makamit ang katotohanan at buhay, o makilala ang Diyos. Kung hindi gagawin ng Diyos ang gawaing ito, hindi sila magkakaroon ng mga bagay na ito sa kalooban nila; pinagpapasyahan ito ng kanilang likas na gawi. Kung kaya, may ilang taong lumalaban o nagrerebelde, natatamo ang galit at poot ng Diyos, pero iba-iba ang pagtrato ng Diyos sa bawat kaso at magkakahiwalay Niyang hinaharap ang bawat isa sa kanila alinsunod sa likas na gawi ng tao. Ang anumang gawaing ginagawa ng Diyos ay naaangkop. Alam Niya kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin, at tiyak na hindi Niya ipagagawa sa mga tao ang anumang hindi nila kayang likas na gawin. Ang pakikitungo ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon ng kalagayan at kinalakhan ng taong iyon sa panahong iyon, pati na sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman gagawan ng Diyos ng masama ang sinuman. Isang panig ito ng pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, tinukso ng ahas si Eba na kainin ang bunga ng punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, pero hindi siya sinisi ni Jehova sa pagsasabing, “Sinabihan kita na huwag kainin iyon, kaya bakit ginawa mo pa rin ito? Dapat ay mayroon kang pagkilatis; dapat alam mo na nagsalita lamang ang ahas para tuksuhin ka.” Hindi pinagalitan ni Jehova nang gayon si Eba. Dahil ang mga tao ay likha ng Diyos, alam Niya kung ano ang kanilang mga likas na gawi at kung ano ang kayang gawin ng mga likas na gawing iyon, hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at hanggang saan makakarating ang mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pakikitungo ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Kapag ang Kanyang saloobin ukol sa isang tao ay pagkamuhi o pagkasuklam, o pagdating sa sinasabi ng taong ito sa isang partikular na konteksto, nauunawaan Niyang mabuti ang mga kalagayan nito. Ito ay dahil masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging iniisip ng mga tao, “Ang Kanyang pagka-Diyos lamang ang taglay ng Diyos. Siya ay matuwid at hindi pinalalampas ang pagkakasala ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa sitwasyon ng mga tao. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.” Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng isang tao sa Kanyang pagiging matuwid, Kanyang gawain, at Kanyang pagtrato sa mga tao, maling-mali ang taong ito. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Gagantihan Niya ang bawat tao ayon sa nagawa nila. Ang Diyos ay matuwid, at sa malao’t madali, titiyakin Niya na lahat ng tao ay lubusang nakumbinsi.

Sinundan: Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan

Sumunod: Mga Salita sa Pagkilala sa Pagkakatawang-tao ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito