Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos

Sipi 1

Nananalig ang ilang tao sa Diyos kapag nakita nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay tunay ngang ang katotohanan. Gayunpaman, kapag nakarating na sila sa sambahayan ng Diyos at nakita nila na ang Diyos ay isang ordinaryong tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro sa kanilang puso. Ang kanilang mga salita at gawa ay hindi na napipigilan, sila ay nagiging masama, at iresponsable na ang kanilang pananalita, nanghuhusga at naninirang-puri kung paano man nila gusto. Sa ganitong paraan nalalantad ang mga ganitong masasamang tao. Ang mga nilalang na ito na walang pagkatao ay madalas na gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at walang mabuting darating sa kanila! Hayagan nilang nilalabanan, sinisiraan, hinuhusgahan at iniinsulto ang Diyos, hayagan Siyang nilalapastangan at sinasalungat. Ang ganitong mga tao ay dapat tumanggap ng matinding parusa. Ang ilang tao ay kabilang sa hanay ng mga huwad na lider, at pagkatapos matanggal, patuloy silang nakadarama ng hinanakit sa Diyos. Sinasamantala nila ang pagkakataong may mga pagtitipon upang patuloy na ipalaganap ang kanilang mga kuru-kuro at ilabas ang kanilang mga reklamo; maaari pa nga silang basta na lamang magbanggit ng masasakit na salita o ng mga salitang naglalabas ng kanilang galit. Hindi ba’t demonyo ang mga ganitong tao? Matapos mapalayas sa sambahayan ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagsisisi, sinasabing may nasabi silang mali sa isang sandali ng kahangalan. May ilang taong hindi nakakakilatis sa kanila, na nagsasabing, “Nakakaawa sila, at sa kanilang puso ay nagsisisi sila. Sinasabi nila na sila ay may pagkakautang sa Diyos at hindi nila Siya kilala, kaya patawarin natin sila.” Ganoon lang ba kadaling ibigay ang kapatawaran? Ang mga tao ay may kani-kaniyang dignidad, lalo na ang Diyos! Matapos ang kalapastanganan at paninirang-puri ng mga taong ito, tila nagsisisi sila sa ilan, na nagpapatawad sa kanila at nagsasabing sila ay kumilos sa isang sandali ng kahangalan—ngunit ito nga ba ay isang sandali ng kahangalan? Palagi silang may intensyon sa kanilang pananalita, at malakas pa ang kanilang loob na husgahan ang Diyos. Pinalitan sila ng sambahayan ng Diyos, at nawala sa kanila ang mga benepisyo ng katayuan, at sa takot na mapalayas, nagpapahayag sila ng maraming reklamo at pagkatapos ay umiiyak nang may pait at pagsisisi. May mabuti ba itong nagagawa? Kapag nabitawan mo na ang mga salita, parang tubig ang mga ito na ibinuhos sa lupa, na hindi na mababawi. Pahihintulutan ba ng Diyos ang mga taong lumalaban, humuhusga, at lumalapastangan sa Kanya kung paano man nila gusto? Ipagsasawalang-bahala na lang ba Niya ito? Ang Diyos ay mawawalan ng dignidad, kung gayon. Pagkatapos ng kanilang paglaban, may ilang taong nagsasabing, “Diyos ko, tinubos ako ng Iyong napakahalagang dugo. Sinabihan Mo kaming patawarin ang mga tao nang pitumpu’t pitong beses—dapat Mo rin akong patawarin!” Walang kahihiyan! Ang ilang tao ay nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Diyos, at natatakot pagkatapos Siyang siraan. Sa takot na maparusahan, agad silang lumuluhod at nananalangin: “Diyos ko! Huwag Mo po akong iwan, huwag Mo akong parusahan. Inaamin ko, nagsisisi ako, may pagkakautang ako sa Iyo, nagkamali ako.” Sabihin ninyo sa Akin, maaari bang mapatawad ang ganitong mga tao? Hindi! Bakit hindi? Ang kanilang ginawa ay nagkakasala sa Banal na Espiritu, at ang kasalanang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman mapapatawad, sa buhay na ito o sa susunod! Ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang mga salita. Siya ay may dignidad, poot, at isang matuwid na disposisyon. Sa palagay mo ba ay katulad ng Diyos ang tao, na kung ang isang tao ay medyo mas mabait lang sa Kanya, ay palalagpasin na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag nito? Hindi ganito! Magiging maganda ba ang mga bagay-bagay para sa iyo kung lalaban ka sa Diyos? Kauna-unawa kung may mali kang nagawa dahil sa panandaliang kahangalan, o paminsan-minsan ay naghahayag ka ng kaunting tiwaling disposisyon. Ngunit kung ikaw ay tuwirang lumalaban, nagrerebelde, at sumasalungat sa Diyos, at kung ikaw ay naninirang-puri, lumalapastangan, at nagkakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Kanya, ikaw ay ganap na mapapahamak. Hindi na kailangang manalangin pa ang ganitong mga tao; dapat na lamang silang maghintay na maparusahan. Sila ay hindi mapapatawad! Pagdating ng oras na iyon, huwag mong sabihin nang walang kahihiyan na, “Diyos ko, patawarin Mo po ako!” Kahit paano ka pa makiusap, paumanhin, pero wala itong silbi. Dahil nauunawaan na nila ang ilang katotohanan, kung sadyang lalabag ang mga tao, hindi sila mapapatawad. Dati, sinasabing hindi tinatandaan ng Diyos ang mga paglabag ng isang tao. Tumutukoy ito sa maliliit na paglabag na walang kinalaman sa mga atas administratibo ng Diyos at na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi kasama rito ang kalapastanganan at paninirang-puri sa Diyos. Ngunit kung lalapastanganin, huhusgahan, o sisiraan mo ang Diyos nang kahit isang beses, ito ay magiging isang permanenteng mantsa na hindi mabubura. Nais ng mga tao na lapastanganin at abusuhin ang Diyos kung paano man nila gusto, at pagkatapos ay samantalahin Siya upang makakuha ng mga pagpapala. Walang anuman sa mundo na kasingbaba niyan! Laging iniisip ng mga tao na ang Diyos ay mahabagin at mabait, na Siya ay mabuti, na Siya ay may malawak at di-masusukat na puso, na hindi Niya tinatandaan ang mga paglabag ng mga tao at na pinalalagpas na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag at gawa ng mga tao. Ang pagpapalagpas na lamang sa nakaraan ay nangyayari sa maliliit na bagay. Hindi kailanman patatawarin ng Diyos ang mga hayagang lumalaban at lumalapastangan sa Kanya.

Bagama’t ang karamihan sa mga tao sa iglesia ay tunay na nananalig sa Diyos, hindi sila natatakot sa Diyos sa kanilang puso. Ipinapakita nito na karamihan sa mga tao ay walang tunay na kaalaman sa disposisyon ng Diyos, kaya mahirap para sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kung ang mga tao ay hindi gumagalang o natatakot sa Diyos sa kanilang pananalig sa Kanya, at sinasabi nila ang anumang gusto nila kapag ang gawain ng Diyos ay nakakaapekto na sa sarili nilang mga interes, kapag natapos na silang magsalita, iyon na ba ang magiging wakas nito? Dapat nilang pagbayaran ang ano mang sinabi nila, at ito ay hindi isang simpleng bagay. Kapag may mga taong lumalapastangan sa Diyos, kapag hinuhusgahan nila ang Diyos, alam ba nila sa kanilang puso kung ano ang kanilang sinasabi? Sa kanilang puso, alam ng lahat ng nagsasabi ng mga bagay na ito kung ano ang kanilang sinasabi. Maliban sa mga sinapian ng masasamang espiritu at may abnormal na pangangatwiran, alam ng mga karaniwang tao sa kanilang puso ang kanilang sinasabi. Kung sasabihin nilang hindi, nagsisinungaling sila. Kapag nagsasalita sila, iniisip nila: “Alam ko na Ikaw ang Diyos. Sinasabi ko na hindi tama ang ginagawa Mo, kaya ano ang maaari Mong gawin sa akin? Ano ang gagawin Mo kapag tapos na akong magsalita?” Sinasadya nila ito, para guluhin ang iba, para mahatak ang iba sa panig nila, para mahikayat ang iba na magsabi rin ng mga katulad na bagay, para mahikayat ang iba na gumawa rin ng mga katulad na bagay. Alam nila na ang kanilang sinasabi ay hayagang pagsuway sa Diyos, na ito ay paglaban sa Diyos, paglapastangan sa Diyos. Pagkatapos nila itong pag-isipan ay naiisip nilang mali ang kanilang ginawa: “Ano ba ang sinasabi ko? Ito ay isang mapusok na sandali at talagang pinagsisisihan ko ito!” Ang kanilang pagsisisi ay nagpapatunay na alam nila kung ano mismo ang kanilang ginagawa noong panahong iyon; hindi sa hindi nila alam. Kung sa tingin mo ay pansamantala silang naging ignorante at nalito, na hindi nila lubusang naintindihan, hindi ito ganap na tama. Maaaring hindi lubos na naunawaan ng mga tao, ngunit kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay mayroon kang kahit kaunting sentido komun. Upang manalig sa Diyos, dapat kang matakot sa Diyos at magbigay-galang sa Kanya. Hindi mo maaaring lapastanganin ang Diyos, o husgahan o siraan Siya kung paano mo man gusto. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng “paghuhusga,” “kalapastanganan” at “paninirang-puri”? Kapag may sinabi ka, hindi mo ba alam kung hinuhusgahan mo ang Diyos o hindi? Ang ilang tao ay palaging nagsasalita tungkol sa katotohanang naging tagapagpatuloy na sila sa Diyos, at madalas nilang nakikita ang Diyos, at harapan na silang nakinig sa pagbabahagi ng Diyos. Walang sawa silang nakikipag-usap kaninuman tungkol sa mga bagay na ito, lahat ay tungkol sa mga panlabas na bagay; wala silang anumang tunay na kaalaman. Maaaring wala silang masamang intensyon kapag sinasabi nila ang mga bagay na ito. Maaaring maganda ang motibo nila para sa mga kapatid at nais nilang palakasin ang loob ng lahat. Ngunit bakit nila pinipiling pag-usapan ang mga bagay na ito? Kung kusa nilang inuungkat ang usaping ito, may intensyon nga sila: karaniwan ay upang magyabang at tingalain sila ng mga tao. Kung gusto nilang gawing buo ang tiwala ng mga tao at palakasin ang kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari nilang mas basahin sa kanila ang Kanyang mga salita, na siyang katotohanan. Kung gayon, bakit nila pinipilit na pag-usapan ang mga panlabas na bagay? Ang ugat ng pagsasabi nila ng mga bagay na ito ay dahil wala silang anumang takot sa Diyos. Hindi sila natatakot sa Diyos. Paano nila nagagawang manggulo at magyabang sa harap ng Diyos? May dignidad ang Diyos! Kung nauunawaan ito ng mga tao, gagawin pa rin ba nila ang mga gayong bagay? Ang mga tao ay walang takot sa Diyos sa kalooban nila. Basta-basta lang silang nagsasabi ng tungkol sa Diyos at kung ano ang katangian ng Diyos para sa sarili nilang mga motibo, para makamit ang kanilang mga personal na layunin at para tumaas ang tingin ng iba sa kanila. Ito ay panghuhusga sa Diyos at paglapastangan lamang sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay walang anumang paggalang sa Diyos sa kanilang puso. Lahat sila ay mga taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Lahat sila ay masasamang espiritu at mga demonyo. Ang ilang tao ay ilang taon nang nananalig sa Diyos, ngunit pagkatapos mahuli ng malaking pulang dragon, sila ay naging Hudas, sumusunod pa nga sa malaking pulang dragon sa paglapastangan sa Diyos. Ang ilang tao ay nangangaral ng ebanghelyo, inuulit ang sinasabi ng mga relihiyosong tao sa pagsasabi ng mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos at kumokondena sa Diyos. Alam nila na ang pagsasalita sa ganitong paraan ay paglaban sa Diyos at paglapastangan sa Diyos, ngunit hindi sila nababahala. Ang pagsasalita sa ganitong paraan ay hindi naaangkop, anuman ang iyong motibo. Hindi ba pwedeng iba na lamang ang sabihin mo? Bakit mo kailangang sabihin ang mga bagay na ito? Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Kung ang ganitong pananalita ay lumalabas sa iyong bibig, nilalapastangan mo ang Diyos. Hindi makadiyos na magsabi ka ng mga ganitong bagay, sinasadya mo man o hindi. Wala kang anumang paggalang sa Diyos sa iyong puso. Sumasama ka sa iba at nagsasabi ng mga kalapastanganan para pasayahin ang iba at magustuhan ka nila. Napakasama mo; kasabwat ka ng diyablo! Gusto ba ng Diyos na makipaglaro ka sa Kanya, husgahan Siya, limitahan Siya, at lapastanganin Siya sa di-makatwirang paraan? Ang paggawa nito ay kakila-kilabot! Kung may nasabi kang mali at nalabag nito ang disposisyon ng Diyos, ikaw ay mapapahamak. Ito ay isang nakamamatay na bagay! Iniisip ng ilang tao, “Ang mga tao sa relihiyon ay nililinlang ng mga pastor at mga elder, at karamihan sa kanila ay nagsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos at humuhusga at kumokondena sa Kanyang gawain. Tinanggap ng ilang tao ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagsisi. Maliligtas ba sila, kung ganoon? Kung silang lahat ay pababayaan ng Diyos, napakakaunti ng taong maliligtas; halos wala nang maliligtas.” Hindi mo nakikita nang malinaw ang bagay na ito, hindi ba? Ang disposisyon ng Diyos ay ang pagiging matuwid, at Siya ay matuwid sa lahat. Noong mga araw ni Noe, walong tao lamang ang naligtas sa arka; ang iba ay napuksa. Nangangahas ka bang sabihin na ang Diyos ay hindi makatarungan? Ang sangkatauhan ay labis na tiwali. Lahat sila ay kay Satanas; lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay mababa at walang halaga. Kung hindi nila matatanggap ang gawain ng Diyos, sila ay lilipulin, gaya ng dati. Maaaring isipin ng ilang tao: “Kung wala sa atin ang maliligtas ng Diyos, hindi ba magiging walang kabuluhan ang gawain ng Diyos? Para sa akin, hindi maililigtas ng Diyos ang sangkatauhan kung wala ang tao. Kung iiwan ng Diyos ang tao, mawawala ang pamamahala ng Diyos.” Nagkakamali ka. Ipagpapatuloy pa rin ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, kahit na wala ang tao. Masyadong pinahahalagahan ng mga tao ang kanilang sarili. Ang mga tao ay walang paggalang sa Diyos sa kanilang puso, hinding-hindi sila tapat sa harap ng Diyos, at wala silang anumang mabuting pag-uugali. Dahil ang mga tao ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at nabibilang kay Satanas, kaya nilang husgahan ang Diyos at lapastanganin ang Diyos anumang oras at kahit saan. Ito ay isang kakila-kilabot na bagay—isang paglabag sa disposisyon ng Diyos!

Sipi 4

Ang pinakamahalagang bahagi ng paghahanap ng katotohanan ay ang magtuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang dami ng maaaring matamo ng isang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakasalalay sa kanyang kakayahang umunawa. Bagama’t ang lahat ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, may ilan na kayang umunawa ng tunay na kahulugan at maliwanagan ng mga ito, at hangga’t nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, may makukuha silang pakinabang. Subalit hindi ganoon ang iba. Nakatuon lamang sila sa pag-unawa sa mga doktrina kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Bunga nito, pagkatapos ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang maraming doktrina, subalit tuwing nakararanas sila ng mga problema, hindi nila kayang malutas ang mga ito; wala sa kanilang natutunan ang kapaki-pakinabang. Ano ang nangyayari dito? Kahit na nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng tao, magkaiba ang mga resulta. Natatanggap ito ng mga taong umiibig sa katotohanan, samantalang ayaw itong tanggapin ng mga hindi umiibig sa katotohanan kahit pa nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Hindi nila hahanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos anumang mga problema ang kaharapin nila. Kayang talakayin ng mga taong may kaunting karanasan ang ilang praktikal na bagay kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nagsasalita tungkol sa kanilang praktikal na kaalaman ng katotohanan—pagkaunawa ito sa katotohanan. Nauunawaan lamang ng mga walang karanasan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at wala sila ni katiting na kaalaman at karanasan—hindi ito maituturing na pagkaunawa sa katotohanan. Madalas sabihin sa iba ng ilang lider na ang mismong dahilan kaya sila pumupunta sa iglesia ay upang magkaloob ng katotohanan. Tama ba ang pahayag na ito? Hindi dapat sabihin nang basta-basta ang mga salitang “magkaloob ng katotohanan.” Sino ba ang nagtataglay ng katotohanan? Sino ba ang nangangahas magsabi na nagkakaloob sila ng katotohanan? Hindi ba’t labis-labis ang pahayag na ito? Kapag nananalig kayo sa Diyos at sumusunod sa Kanya, isang tao lamang kayo na tumatanggap at naghahanap ng katotohanan. Kung kaya ninyo itong gawin, napakabuti na niyon. Kahit pa kaya ng isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan at makapagsalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi masasabing siya ay nagkakaloob ng katotohanan dahil walang taong nagtataglay ng katotohanan. Paano matatawag na pagkakaloob ng katotohanan ang pagsasalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman? Samakatuwid, mailalarawan lamang ang mga lider at manggagawa bilang gumaganap sa gawain ng pagdidilig, at bilang partikular na responsableng tumulong sa mga kapatid sa iglesia upang makapasok sila sa buhay. Hindi maaaring sabihing sila ay nagkakaloob ng katotohanan. Kahit pa ang isang tao ay may kaunting tayog, hindi pa rin maaaring sabihin na siya ay nagkakaloob ng katotohanan sa iba. Hinding-hindi ito maaaring sabihin. Ilang tao ba ang nakauunawa sa katotohanan? Ang tayog ba ng isang tao ang batayan kung kuwalipikado siyang magkaloob ng katotohanan? Kahit pa may kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan ang isang tao, hindi maaaring sabihing nakapagkakaloob siya ng katotohanan. Hinding-hindi iyon maaaring sabihin, napakasalat nito sa katwiran. May mga taong ikinararangal ang pagdidilig sa iglesia at pagkakaloob ng katotohanan, na para bang marami silang nauunawaan sa katotohanan, at bunga nito, hindi nila makilala ang mga huwad na lider at mga anticristo. Hindi ba’t isa itong kontradiksiyon? Kung may magtatanong sa iyo kung ano ang katotohanan, at sasagutin mo ng, “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; ang katotohanan ay ang salita ng Diyos,” nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kaya mo lamang magsabi ng mga salita at parirala ng doktrina, at kulang ka sa karanasan at kaalaman kung ano ba ang katotohanan, kaya hindi ka nararapat na magkaloob nito sa iba. Sa ngayon, kulang pang lahat sa karanasan ang mga naglilingkod bilang lider; may kaunti lamang silang kakayahan at pagnanais na hanapin ang katotohanan. Angkop sila sa pag-aaruga at pagsasanay, at kaya nilang manguna sa pagtupad ng mga tungkulin. Kahit pa kaya nilang magbahagi ng kaunting kaalaman, paano masasabing nagkakaloob sila ng katotohanan? Kayang magsalita ng karamihan sa mga lider at manggagawa tungkol sa kaunting kaalaman, pero hindi ibig sabihin noon na may realidad sila ng katotohanan. Kung tutuusin, maraming taon na silang nakinig sa mga sermon at may kaunti silang mababaw na kaalaman; handa silang magbahagi tungkol sa katotohanan at kaya nilang medyo makatulong sa iba, pero hindi maaaring sabihing nagkakaloob sila ng katotohanan. May kakayahan ba ang mga lider at manggagawa na magkaloob ng katotohanan? Walang-wala. Nangangaral at nagdidilig sa iglesia ang mga lider at manggagawa; ang pinakamahalaga, kailangan ay kaya nilang lumutas ng praktikal na mga problema, iyon ang tanging paraan upang tunay nilang madiligan ang iglesia. Sa ngayon, hindi pa rin kayang lutasin ng karamihan sa mga lider at manggagawa ang maraming praktikal na problema. Kahit pa nakakapagbahagi sila ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan, ang karamihan pa rin sa kanilang sinasabi ay mga salita at parirala lamang ng doktrina. Hindi nila kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa realidad ng katotohanan, samakatuwid ay kaya ba talaga nilang lumutas ng mga problema? May kaunting kakayahan lamang na umunawa ang karamihan sa mga lider at manggagawa at wala pa silang gaanong praktikal na karanasan. Maaari bang sabihin na mas nauunawaan nila ang katotohanan at higit silang may realidad ng katotohanan kaysa sa iba? Hindi ito maaaring sabihin, kapos pa sila rito. May mga lider at manggagawa na itinaas ang ranggo dahil lamang sa paglilinang; hinahayaan silang magsanay dahil may kaunti silang kakayahan, at taglay nila ang kaunting kakayahan na umunawa, at angkop ang kanilang kapaligirang pampamilya. Hindi naman ibig sabihin ng pagtataas ng ranggo ng isang tao ay nagtataglay siya ng realidad ng katotohanan at kaya niyang magkaloob ng katotohanan. Ibig sabihin lamang nito na ang mga naghahanap ng katotohanan ay nagtatamo ng kaliwanagan at liwanag bago ang iba, pero kapos ang liwanag na ito sa katotohanan, hindi ito bahagi ng katotohanan, umaayon lamang ito sa katotohanan. Tanging ang tuwirang ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan. Ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu ay sumusunod lamang sa katotohanan, dahil ang Banal na Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa mga tao ayon sa kanilang tayog. Hindi Niya tuwirang ipinahahayag sa mga tao ang katotohanan. Sa halip, nagbibigay Siya sa kanila ng liwanag na kaya nilang makamit. Kailangan mo itong maunawaan. Kung may kaunting kabatiran ang isang tao sa mga salita ng Diyos at may natamo siyang kaunting kaalaman mula sa karanasan, maibibilang ba ito na katotohanan? Hindi. May kaunti lamang siyang pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga salita ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay hindi kumakatawan sa mga salita ng Diyos, hindi kumakatawan sa katotohanan, at hindi ang katotohanan. Ang taong iyon ay may kaunti lamang pagkaunawa sa katotohanan, at medyo naliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung nagtatamo ang isang tao ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan at pagkatapos ay naipagkakaloob ito sa iba, ang pawang ginagawa lamang niya ay magkaloob sa iba ng kanyang pagkaunawa at karanasan. Hindi mo maaaring sabihing nagkakaloob siya ng katotohanan sa iba. Ayos lang kung sabihin mong nagbabahagi siya tungkol sa katotohanan; ito ay angkop na paglalarawan. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang ibinabahagi mo ay ang pagkaunawa mo sa katotohanan; hindi ito katumbas ng katotohanan mismo. Samakatuwid, masasabi mo lamang na nagbabahagi ka tungkol sa kaunting pagkaunawa at karanasan; paano mo masasabing nagkakaloob ka ng katotohanan? Ang pagkakaloob ng katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Sino ang karapat-dapat na magsabi ng pangungusap na ito? Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahan na magkaloob ng katotohanan sa mga tao. May kakayahan ba ang mga tao? Samakatuwid, kailangan mong makita nang malinaw ang bagay na ito. Hindi lamang ito isang isyu ng paggamit ng mga maling salita, ang pinakabuod ay nilalabag at binabaluktot mo ang mga katunayan. Kalabisan ang ipinapahayag mo. Maaaring ang mga tao ay may kaunting pagkaunawa at karanasan sa mga salita ng Diyos, pero hindi mo masasabing mayroon silang katotohanan, o na sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Kahit gaano pa ang pagkaunawang nakakamit ng mga tao mula sa katotohanan, hindi mo masasabing taglay nila ang buhay ng katotohanan, lalong hindi masasabing sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Ang nauunawaan lamang ng mga tao ay kaunting katotohanan at may kaunti lang silang liwanag at ilang paraan ng pagsasagawa. May kaunti lamang silang realidad ng pagsunod, at kaunting tunay na pagbabago. Pero hindi mo masasabing nakamit na nila ang katotohanan. Pinagkakalooban ng Diyos ng buhay ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Ipinag-uutos din ng Diyos na maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makamit ang katotohanan upang mapaglingkuran at mapalugod nila Siya. Kahit pa dumating ang araw na maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos hanggang sa puntong tunay na nilang nakamit ang katotohanan, hindi mo pa rin masasabing may katotohanan ang mga tao, lalo ang sabihing taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa may napakaraming taon ng karanasan ang mga tao, may hangganan ang dami ng katotohanan na makakamit nila, at ito ay napakakaunti. Ang katotohanan ang pinakamalalim at pinakamahiwagang bagay; ito ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Napakalimitado ng katotohanang maaaring makamit ng mga tao sa buong buhay nila. Hindi kailanman lubusang makakamit ng mga tao ang katotohanan, lubusang mauunawaan ito, o lubusang maisasabuhay ito. Ito ang ibig sabihin ng Diyos kapag sinasabi Niya na palaging magiging mga sanggol ang mga tao sa Kanyang presensiya.

Naniniwala ang ilang tao na kapag taglay na nila ang karanasan at kaalaman sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, at may lubusan na silang pagkaunawa sa bawat aspeto ng katotohanan, at kaya na nilang kumilos ayon sa katotohanan ay magagawa na nilang magpahayag ng katotohanan. Iniisip nilang sa paggawa nito, mabubuhay silang gaya ni Cristo, katulad lang ng sinabi ni Pablo, “Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21). Tama ba ang pananaw na ito? Hindi ba’t isa rin itong pagsusulong ng argumentong “Diyos-tao?” Maling-mali ito! Kailangang maunawaan ng mga tao ang isang bagay: Gaano man kalawak ang karanasan at kaalaman mo sa katotohanan, o kahit pa nakapasok ka na sa realidad ng katotohanan, at kaya mong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at kaya mong magpasakop sa Diyos at magpatotoo para sa Diyos, at gaano man kataas o kalalim ang iyong maging pagpasok sa buhay, ang buhay mo ay buhay pa rin ng isang tao, at hindi kailanman maaaring maging Diyos ang isang tao. Isa itong ganap na katotohanang kailangang maunawaan ng mga tao. Kahit pa, sa wakas, ay may karanasan at pagkaunawa ka sa bawat aspeto ng katotohanan, at nagpapasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos at nagiging isa kang pinerpektong tao, hindi pa rin masasabing may katotohanan ka. Kahit pa kaya mong magpahayag ng tunay na patotoong batay sa karanasan, hindi ito nangangahulugang kaya mong magpahayag ng katotohanan. Noon, karaniwang sinasabi ng mga relihiyosong grupo na ang isang tao ay may “buhay ni Cristo sa kalooban nito.” Ito ay isang mali at malabong pahayag. Bagama’t hindi na ito sinasabi ng mga tao ngayon, nananatiling malabo ang kanilang pagkaunawa sa bagay na ito. Iniisip ng ilang tao, “Dahil nakamit na namin ang katotohanan at nasa kalooban namin ang katotohanan, taglay namin ang katotohanan, at nasa puso namin ang katotohanan, at kaya rin namin itong ipahayag.” Hindi ba’t mali rin ito? Madalas pag-usapan ng mga tao kung nasa kanila ba o wala ang katotohanan, na pangunahing tumutukoy sa kung mayroon o wala silang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at kung kaya nila o hindi na gumawa ayon sa katotohanan. Nararanasan ng lahat ang katotohanan, pero iba-iba ang kalagayang nararanasan ng bawat tao. Iba-iba rin ang nakakamit ng bawat tao mula sa katotohanan. Kung pagsasama-samahin mo ang karanasan at pagkaunawa ng lahat, hindi pa rin nito lubos na maipapakita ang diwa ng katotohanan. Gayon kalalim at kahiwaga ang katotohanan! Bakit Ko sinasabing hindi maaaring humalili sa katotohanan ang lahat ng nakamit mo at lahat ng pagkaunawa mo? Pagkatapos marinig ng mga tao ang pagbabahagi mo ng ilan sa iyong karanasan at pagkaunawa, mauunawaan nila ito, at hindi nila kailangang dumanas nang mahabang panahon upang lubusang maunawaan at makamit ito. Kahit pa isa itong bagay na medyo mas malalim, hindi nila kakailanganin ang maraming taon ng karanasan. Pero pagdating sa katotohanan, hindi mararanasan ng mga tao ang kalahatan nito sa kanilang buong buhay. Kahit pa pagsama-samahin mo ang lahat ng tao, hindi nila mararanasan itong lahat. Tulad ng nakikita mo, lubhang malalim at mahiwaga ang katotohanan. Hindi kaya ng mga salita na maipaliwanag nang lubos ang katotohanan. Ang katotohanang ipinahahayag sa wika ng tao ang tunay na diwa ng mga tao. Hindi kailanman mararanasan ng mga tao ang kalahatang ito, at hindi nila kailanman lubusang maisasabuhay ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa gumugol ang mga tao ng libo-libong taon, hindi pa rin nila lubusang mararanasan ang ni isang katotohanan. Gaano karaming taon man ang maranasan ng mga tao, magiging limitado pa rin ang katotohanang nauunawaan at nakakamit nila. Masasabing walang-hanggang bukal ng buhay ng sangkatauhan ang katotohanan. Ang Diyos ang pinagmulan ng katotohanan, at ang pagpasok sa mga realidad ng katotohanan ay isang gawaing walang katapusan.

Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo; kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya. Kung sinasabi mo na sa pagkakaroon ng kaunting karanasan at kaalaman ay mayroon ka nang katotohanan, nagtamo ka na ba ng kabanalan? Bakit nagpapakita ka pa rin ng katiwalian? Bakit hindi ka makakilala sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga tao? Bakit hindi ka makapagpatotoo sa Diyos? Kahit nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang Diyos? Maisasabuhay mo ba ang disposisyon ng Diyos? Maaaring mayroon kang kaunting karanasan at kaalaman tungkol sa isang partikular na aspeto ng isang katotohanan, at maaaring makapagbigay ka ng kaunting kaliwanagan sa pananalita mo, ngunit ang maipagkakaloob mo sa mga tao ay lubhang limitado at hindi magtatagal. Ito ay dahil hindi kumakatawan sa diwa ng katotohanan ang pagkaunawa at liwanag na iyong natamo, at hindi ito kumakatawan sa kabuuan ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa isang bahagi o isang maliit na aspeto ng katotohanan, isang antas lamang ito na maaaring makamtan ng mga tao, at malayo pa ito sa diwa ng katotohanan. Ang kaunting liwanag, kaliwanagan, karanasan, at kaalamang ito ay hinding-hindi makakapalit sa katotohanan. Kahit pa nagtamo ng ilang resulta ang lahat ng tao sa pagdanas ng isang katotohanan, at pagsama-samahin ang lahat ng kanilang karanasan at kaalaman, hindi iyon aabot sa kabuuan at diwa ng kahit isang linya ng katotohanang ito. Nasabi na ito noong araw, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.” Ang pangungusap na ito ang katotohanan, ang tunay na diwa ng buhay, isang napakalalim na bagay, at isang pagpapahayag ng Diyos Mismo. Pagkaraan ng tatlong taon ng karanasan, maaaring magkaroon ka ng kaunting mababaw na pagkaunawa, at pagkaraan ng pito o walong taon, maaaring magkaroon ka ng kaunti pang pagkaunawa, ngunit ang pagkaunawang ito ay hinding-hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Pagkaraan ng dalawang taon, maaaring may ibang tao na magkaroon ng kaunting pagkaunawa, o kaunti pang pagkaunawa pagkaraan ng sampung taon, o medyo malalim na pagkaunawa pagkatapos ng habambuhay, ngunit hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan ang pinagsamang pagkaunawa ninyong dalawa. Gaano man kalaki ang pinagsamang kabatiran, liwanag, karanasan, o kaalamang mayroon kayong dalawa, hinding-hindi ito makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Ibig sabihin, ang buhay ng tao ay palaging buhay ng tao, at paano man umaayon ang iyong kaalaman sa katotohanan, kalooban ng Diyos, o mga hinihingi ng Diyos, hinding-hindi ito makahahalili sa katotohanan. Ang sabihin na nasa mga tao ang katotohanan ay nangangahulugan na tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, isinasabuhay ang ilan sa mga realidad ng salita ng Diyos, may kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at kayang dakilain at patotohanan ang Diyos. Gayunman, hindi masasabi na taglay na ng mga tao ang katotohanan, dahil napakalalim ng katotohanan. Isang linya lamang ng salita ng Diyos ay maaari nang abutin ng habambuhay para maranasan ng mga tao, at kahit pagkaraan ng ilang habambuhay ng karanasan, o libu-libong taon, hindi lubos na mararanasan ang isang linya ng salita ng Diyos. Malinaw na talagang walang katapusan ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa Diyos, at na may limitasyon kung gaano kalaking katotohanan ang mauunawaan ng mga tao sa isang habambuhay ng karanasan. Sinasabi ng ilang tao na nasa kanila ang katotohanan sa sandaling naunawaan na nila ang tekstuwal na kahulugan ng salita ng Diyos. Hindi ba ito kalokohan? Pagdating sa kapwa liwanag at kaalaman, mayroong usapin ng kalaliman. Ang mga realidad ng katotohanan na maaaring pasukin ng isang tao sa loob ng isang habambuhay ng paniniwala ay limitado. Samakatuwid, dahil lamang taglay mo ang kaunting kaalaman at liwanag ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang mga realidad ng katotohanan. Ang pangunahing bagay na dapat mong tingnan ay kung nauugnay sa liwanag at kaalamang ito ang diwa ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Nadarama ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan kapag nakapagpapaliwanag sila o nakapag-aalok sila ng kaunting mababaw na pagkaunawa. Pinasasaya sila nito, kaya nagiging mayabang sila at may labis na pagtingin sa sarili. Sa katunayan, malayo pa rin silang makapasok sa realidad ng katotohanan. Anong katotohanan ang taglay ng mga tao? Maaari bang mabuwal kahit kailan at kahit saan ang mga taong nagtataglay ng katotohanan? Kapag taglay ng mga tao ang katotohanan, paano pa nila malalabanan at mapagkakanulo ang Diyos? Kung sinasabi mo na taglay mo ang katotohanan, pinatutunayan nito na sa loob mo ay ang buhay ni Cristo—kakila-kilabot iyan! Naging Panginoon ka na, naging si Cristo ka na? Isang kakatwang pahayag ito, at lubusang hinuha ng mga tao; hinggil ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at hindi isang mapaninindigang katayuan sa Diyos.

Kapag sinasabing nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at ipinamumuhay ito bilang kanilang buhay, ano ang tinutukoy ng “buhay” na ito? Nangangahulugan ito na naghahari ang katotohanan sa kanilang mga puso, nangangahulugan ito na kaya nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at nangangahulugan ito na mayroon silang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos at isang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag taglay ng mga tao sa loob nila ang bagong buhay na ito, lubos itong nakakamtan sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakabatay ito sa pundasyon ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, at nakakamtan ito sa pamamagitan ng pamumuhay nila sa saklaw ng nasasakupan ng katotohanan; ang tanging nilalaman ng buhay ng mga tao ay ang kanilang kaalaman at karanasan sa katotohanan. Iyon ang pundasyon nito, at hindi ito lumalampas sa saklaw na iyon; ito ang buhay na tinutukoy kapag nagsasalita tungkol sa pagkakamit ng buhay ng katotohanan. Ang magawang mamuhay ayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na nasasaloob ng mga tao ang buhay ng katotohanan, ni nangangahulugan ito na kung taglay nila ang katotohanan bilang kanilang buhay, ay nagiging katotohanan sila, at ang kanilang panloob na buhay ay nagiging buhay ng katotohanan; lalong hindi masasabi na sila ang katotohanan at ang buhay. Sa huli, ang kanilang buhay ay buhay pa rin ng isang tao. Kung nakakapamuhay ka nang ayon sa mga salita ng Diyos at nagtataglay ng kaalaman tungkol sa katotohanan, kung ang kaalamang ito ay nag-uugat sa iyong kalooban, at nagiging buhay mo, at ang katotohanang iyong nakamit sa pamamagitan ng karanasan ang nagiging batayan ng iyong pag-iral, kung mamumuhay ka ayon sa mga salitang ito ng Diyos, walang sinumang makapagbabago nito, at hindi ka malilinlang o magagawang tiwali ni Satanas, kung magkagayon ay nakamit mo na ang buhay ng katotohanan. Ibig sabihin, ang iyong buhay ay naglalaman lamang ng katotohanan, ibig sabihin ay ang iyong pagkaunawa, karanasan, at kabatiran sa katotohanan; at anuman ang gawin mo, mamumuhay ka ayon sa mga bagay na ito, at hindi ka lalampas sa saklaw ng mga ito. Ito ang kahulugan ng pagtataglay ng realidad ng katotohanan, at ang gayong mga tao ang nais makamit ng Diyos sa huli sa Kanyang gawain. Ngunit gaano man kahusay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang kanilang diwa ay isa pa ring sa sangkatauhan, at hindi man lamang maikukumpara sa diwa ng Diyos. Ito ay dahil nagpapatuloy ang kanilang pagdanas sa katotohanan magpakailanman, at imposible para sa kanila na buong-buong isabuhay ang katotohanan; maaari lamang nilang isabuhay ang napakalimitadong bahagi ng katotohanan na maaaring makamtan ng mga tao. Paano, kung gayon, sila maaaring maging Diyos? Kung personal na pinerpekto ng Diyos ang isang grupo ng mga tao upang maging mas matataas na Diyos at mas mabababang Diyos, hindi ba’t magiging gulo iyon? Bukod dito, imposible at kalokohan ang gayong bagay—katawa-tawang ideya ito ng tao. Nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at pagkatapos ay nilikha Niya ang tao, upang ang tao ay sumunod at sumamba sa Kanya. Ang paglikha ng Diyos sa tao ang pinakamakabuluhang gawa. Tao lamang ang nilikha ng Diyos; hindi Siya lumikha ng mga Diyos. Gumagawa ang Diyos sa anyo ng pagkakatawang-tao, pero hindi ito kapareho ng paglikha Niya ng isang Diyos. Hindi nilikha ng Diyos ang Kanyang Sarili; may sarili Siyang diwa, at hindi ito nagbabago. Hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya’t dapat silang magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos; mauunawaan lamang ng mga tao ang katotohanan kung palagi nila itong hinahanap. Hindi dapat magsalita nang walang saysay ang mga tao batay sa kanilang imahinasyon. Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at namumuhay ayon sa tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, unti-unti mong magiging buhay ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon ka lamang ilang karanasan sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito mismo ang pagtataglay mo ng katotohanan? Maituturing ba itong pagtatamo ng katotohanan? Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, mula sa katotohanan? Kung hindi makakamtan ang mga epektong ito, nagpapatunay ito na ang maranasan lamang ang isang partikular na aspeto ng katotohanan ay hindi maituturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan, o pagkilala sa Diyos, lalong hindi masasabi na nakamit na ang katotohanan. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; nararanasan nila ito sa loob ng limitado nitong saklaw, at hindi nila mararanasan ang lahat ng di-mabilang na aspeto ng katotohanan. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil lamang ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Masasabi lamang na umaayon ang mga ito sa katotohanan. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, at ang mga panloob na kahulugan at mga realidad ng katotohanan ay napakalawak ang sakop, at walang sinumang nakakaarok o nakapagpapabulaan niyon. Basta’t mayroon kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan at sa Diyos, mauunawaan mo ang ilang katotohanan; walang sinuman ang magagawang pabulaanan ang mga tunay na pagkaunawang ito, at ang mga patotoong naglalaman ng mga realidad ng katotohanan ay mapaninindigan magpakailanman. Pinupuri ng Diyos ang mga nagtataglay ng mga realidad ng katotohanan. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan, at kaya mong umasa sa Diyos para maranasan ang mga salita ng Diyos at kaya mong tanggapin ang katotohanan bilang iyong buhay anuman ang sitwasyon mo, magkakaroon ka ng isang landas, magagawa mong makaligtas, at makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kahit umaayon sa katotohanan ang kakaunting nakakamit ng mga tao, hindi masasabi na ito ang katotohanan, lalo nang hindi masasabi na nakamit na nila ang katotohanan. Ang kakaunting liwanag na natamo ng mga tao ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o sa ilang nakapaloob sa isang tiyak na saklaw, ngunit hindi magiging angkop sa loob ng isang naiibang saklaw. Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao, napakalimitado pa rin nito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makaaabot sa lalim ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao at ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.

Kapag ang mga tao ay may kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, nakakaunawa ng ilang katotohanan at ng kaunting kalooban ng Diyos, kapag may kaunti silang kaalaman sa Diyos, at ang kanilang disposisyon ay medyo nagbago na at nalinis na, maaari pa rin lamang sabihin na sila ay isang tao, at isang nilikhang tao, pero ito mismo ang uri ng normal na tao na ninanais makamit ng Diyos. Kung gayon, anong uri ka ng tao? May ilang tao na nagsasabing, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan.” Hindi ito naangkop na sabihin. Maaari mo lamang sabihing, “Ako ay isang tao na ginawang tiwali ni Satanas, at na nakaranas ng paghatol at pagpaparusa ng mga salita ng Diyos. Sa wakas ay naunawaan ko ang katotohanan, at nalinis na ang aking tiwaling disposisyon. Ako ay isang tao lamang na iniligtas ng Diyos.” Kung sasabihin mong, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan. Naranasan ko na ang lahat ng salita ng Diyos at lubos na naunawaan ang lahat ng iyon. Alam ko ang kahulugan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at ang konteksto at mga sitwasyon kung kailan sinabi ang mga salitang iyon. Alam kong lahat ito. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay taglay ko ang katotohanan?” ikaw ay nagkakamali na naman. Hindi ka nagiging isang taong nagtataglay ng katotohanan dahil lang mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos at nagkamit ka ng kaunting liwanag mula sa mga iyon. Lalo nang hindi kuwalipikadong magpahayag ng gayon ang mga may kakayahan lamang na makaunawa at magtalakay ng ilang doktrina. Kailangang malinaw na maunawaan ng mga tao kung ano ang dapat na maging posisyon ng isang tao sa harap ng Diyos at sa harap ng katotohanan, kung ano ang mga tao, kung ano ang buhay sa kalooban ng tao, at kung ano ang buhay ng Diyos. Kailangang maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao. Matapos maranasan ang gawain ng Diyos nang ilang araw, at maunawaan ang ilang salita at parirala ng doktrina, ipinapalagay ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan. Ito ang mga taong pinakamayabang, at walang-wala sila sa katwiran. Kailangang masuri ang bagay na ito upang tunay na maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili at makilala nila ang sangkatauhan, at upang maunawaan nila kung ano ang tiwaling sangkatauhan, kung anong antas ang kayang maabot ng mga tao pagkatapos silang maperpekto sa wakas, at kung ano ang angkop na paraan upang tawagin at pangalanan sila. Dapat malaman ito ng mga tao at hindi bigyang-layaw ang mga kathang-isip. Mas mainam para sa mga tao ang maging mas makatotohanan sa kanilang asal, nang sa gayon ay magiging medyo mas matatag sila. May ilang taong nananalig sa Diyos ang palaging pinagsisikapang matamo ang sarili nilang mga pangarap at palaging naghahangad na maisabuhay ang buhay at imahe ng Diyos. Makatotohanan ba ito? Ninanais lagi ng mga tao na taglayin ang buhay ng Diyos—hindi ba’t isa itong mapanganib na bagay? Mapagmataas na ambisyon ito ng mga tao, at katulad lamang ito ng mapagmataas na ambisyon ni Satanas. Ang ilang tao, matapos magtrabaho sa iglesia nang ilang panahon, ay nagsisimulang mag-isip, “Pagkatapos mawalan ng kapangyarihan ang malaking pulang dragon, dapat ba kaming maging mga hari at magkaroon ng kapangyarihan? Ilang lungsod ang dapat kontrolin ng bawat isa sa amin?” Kung kayang sabihin ng isang tao ang gayong mga bagay, napakasama niyon. Ang mga taong walang karanasan ay mahilig magsalita tungkol sa mga doktrina at magpalayaw ng mga pantasya. At habang ginagawa nila iyon, pakiramdam pa nga nila ay matalino sila, na para bang nagtagumpay sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang namumuhay sila bilang si Cristo at ang Diyos. Lahat sila ay mga alagad ni Pablo, at tinatahak nila ang landas ni Pablo. Kung paninindigan nilang hindi magsisi, ang lahat ng taong ito ay magiging mga anticristo at magbabata ng matinding kaparusahan.

Sipi 5

Tungkol sa mga salitang ito na sinabi ng Diyos, kapag kayo ay nakikinig, ikinukumpara ba ninyo ang mga ito sa inyong mga sarili, o pinakikinggan lang ba ninyo ang mga ito bilang doktrina, pinoproseso ito sa inyong isip hanggang sa maunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin nito, at iyon na iyon? Anong klaseng pag-uugali at mga layunin ang mayroon kayo habang nakikinig? Kung talagang nauunawaan ninyo ang sinabi ng Diyos—na ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay palalayasin; na ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi mabubuti kundi masasamang tao sa paningin ng Diyos—dapat ninyong pagnilayan kung gayon ang inyong mga sarili at tingnan kung alin sa inyong mga kilos ang hindi pagsasagawa ng katotohanan, at alin sa inyong mga pamamaraan at saloobin ang nakikita ng Diyos bilang mga pagpapamalas ng hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kahit kailan ba ay nasubukan na ninyong intindihin ang mga bagay na ito? Napagnilayan na ba ninyo ang inyong sarili? Hindi sapat na basahin lamang ang mga salita ng Diyos nang madaliang sulyap; dapat ninyong pagbulay-bulayan ang mga ito, pagnilayan ang inyong sarili, at ikumpara ang inyong mga sariling kaisipan at kilos sa mga salita ng paglalantad ng Diyos, at magkamit ng pagkakilala sa sarili—sa ganitong paraan lamang kayo magkakaroon ng tunay na pagsisisi at pagbabago. Kung binabasa ninyo ang mga salita ng Diyos pero hindi ninyo pinag-iisipan ang mga ito at hindi pinagninilayan ang inyong sarili, sa halip ay nakatuon lamang kayo sa pag-unawa ng doktrina, ang inyong pananalig sa Diyos ay hindi magkakaroon ng anumang pagpasok sa buhay, ni magkakaroon kayo ng anumang tunay na pagbabago. Samakatuwid, napakahalagang mag-isip, hanapin ang katotohanan, at pagnilayan ang sarili kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ano nga ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang mga ito ay ang katotohanan, ang daan, ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao. Ang mga salita ng Diyos ay hindi doktrina, hindi mga kasabihan, hindi isang uri ng teorya, o kaya naman ay pilosopikal na kaalaman; sa halip, ang mga ito ay ang katotohanan na dapat maunawaan at makamit ng mga tao, at ang buhay na dapat nilang matamo. Samakatuwid, ang mga salita ng Diyos ay may malalim na kaugnayan sa buhay ng mga tao at sa buhay mismo, sa landas na dapat lakaran ng mga tao, at sa kahihinatnan at destinasyon ng mga tao. Kung talagang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at nakamtan niya ang katotohanan, ang lahat ng tungkol sa kanya ay magbabago ayon sa nararapat. Kung hindi kailanman kayang maunawaan ng isang tao ang katotohanan o mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, hindi niya posibleng matamo ang tunay na pagbabago o makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang tanging kahihinatnan at destinasyon para sa taong iyon ay ang magdusa ng kapahamakan at malipol. Ganito kahalaga sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanang ipinapahayag Niya. Kung binabasa mo ang mga salita ng Diyos pero hindi mo pinagbubulay-bulayan ang mga ito, pinagninilayan ang sarili mo, o ikinokonekta ang mga ito sa iyong mga sariling tunay na problema at paghihirap, ang tanging nauunawaan mo ay mababaw lamang, at talagang hindi mo kayang maunawaan ang katotohanan o maintindihan ang kalooban ng Diyos. Kaya, dapat ninyong matutunan kung paano pagnilay-nilayan ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan. Mahalaga ito. Maraming paraan upang pagnilay-nilayan ang mga salita ng Diyos: Maaari mong basahin ang mga ito nang tahimik at manalangin sa iyong puso, na hinahanap ang kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu; maaari ka ring makipagbahaginan at manalanging-magbasa kasama ng mga naghahanap ng katotohanan; at, siyempre, maaari mong isama ang mga pagbabahaginan at sermon sa iyong pagninilay-nilay upang palalimin ang iyong pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos. Ang mga paraan ay marami at nagkakaiba-iba. Sa madaling salita, kung sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nais ng isang taong makamit ang pagkaunawa tungkol sa mga ito, kung gayon ay mahalagang magnilay-nilay at manalanging-magbasa ng mga salita ng Diyos. Ang layunin ng panalanging-pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi upang magawang bigkasin ang mga ito, ni kabisaduhin ang mga ito; sa halip, ito ay upang magkamit ng tumpak na pagkaunawa sa mga salitang ito pagkatapos na manalanging-magbasa at mapagnilay-nilayan ang mga ito at upang malaman ang kahulugan ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos, pati na rin ang Kanyang layunin. Ito ay upang hanapin doon ang landas ng pagsasagawa, at upang maiwasang lumiko sa sariling daan. Dagdag pa rito, ito ay upang magawang makilala ang lahat ng iba’t ibang uri ng kalagayan at uri ng mga taong nailantad sa mga salita ng Diyos, at upang magawang pakitunguhan ang bawat uri ng tao nang ayon sa mga prinsipyo, habang kasabay nito ay iniiwasang maligaw. Sa sandaling matutuhan mo kung paano manalanging-magbasa at magbulay-bulay ng mga salita ng Diyos, at gawin ito nang madalas, saka lamang maaaring mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at maging buhay mo.

Sipi 8

Ano ang kalikasan ng problema ng pakikialam sa mga salita ng Diyos? Kung binabago mo ang mga salita ng Diyos at pinakikialaman ang Kanyang pananalita, katumbas ito ng pinakamalubhang pagsalungat at paglapastangan sa Diyos. Ang mga kauri lang ni Satanas ang may kakayahang gumawa ng ganitong masamang gawa, at katulad sila ng arkanghel. Sinabi ng arkanghel: “Diyos ko, kaya Mong likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, at gumawa ng mga tanda at hiwaga—kaya ko rin itong gawin. Umupo Ka sa trono, at gayon din ang gagawin ko. Pinaghaharian Mo ang lahat ng bansa, at gayon din ako. Nilikha Mo ang mga tao, at pinamamahalaan ko sila!” Ganito kamapagmataas ang arkanghel; wala itong taglay na anumang katwiran. Ang kalikasan ng pakikialam sa mga salita ng Diyos ay katulad ng sa arkanghel, ibig sabihin, ito ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos at ng paglapastangan sa Diyos. Ang mga taong nakikialam sa mga salita ng Diyos ay ang mga pinakasumasalungat sa Kanya, at tuwiran nilang nilalabag ang Kanyang disposisyon. Pinakakinamumuhian ng Diyos ang mga nakikialam sa Kanyang mga salita. Maaaring sabihin na ang pakikialam sa mga salita ng Diyos ay paglapastangan sa Diyos at sa Banal na Espiritu, at isang kasalanang walang kapatawaran. Maliban sa pakikialam ng mga tao sa mga salita ng Diyos, mayroon pang isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, ito ay kapag ang mga tao ay nangangahas na kaswal na baguhin ang mga pagsasaayos ng gawain, at pagkatapos ay ipinapasa ang mga ito sa iglesia upang linlangin ang mga hinirang ng Diyos, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Ito rin ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos, at isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Ang ilang tao ay talagang walang takot sa Diyos na puso. Naniniwala sila na ang mga gawain ng pagsasaayos ay isinulat ng tao, na ang mga ito ay nagmumula sa tao, at kung ang mga ito ay hindi umaayon sa mga haka-haka ng mga taong ito, binabago nila ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Alam ba ninyo kung alin sa mga atas administratibo ng Diyos ang nilalabag nito? (7. “Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagsunod sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagsunod lamang ang iyong dapat alalahanin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian).) Ang mga bagay na lumalabag sa mga atas administratibo ay mga bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi ba ninyo malinaw na nakikita iyan? Napakahambog ng saloobin ng ilang tao sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Naniniwala sila, “Ang Itaas ang gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, at tayo ang gumagawa ng mga gawain sa iglesia. Ang ilang salita at gawain ay maaaring ipatupad nang pleksible. Nasa sa atin na kung paano partikular na gagawin ang mga ito. Ang Itaas ay nagsasalita lamang at gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain; tayo ang mga gumagawa ng praktikal na aksyon. Kaya, pagkatapos na maibigay sa atin ng Itaas ang gawain, magagawa na natin ito ayon sa ating kagustuhan. Ayos lang kahit paano man ito gawin. Walang sinuman ang may karapatang makialam.” Ang mga prinsipyong sinusunod nila ay ang mga sumusunod: Pinakikinggan nila ang pinaniniwalaan nilang tama at binabalewala ang pinaniniwalaan nilang mali, itinuturing nila ang kanilang mga paniniwala bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo, nilalabanan nila ang anumang hindi naaayon sa kanilang kalooban, at labis silang kumokontra sa iyo ukol sa mga bagay na iyon. Kapag ang mga salita ng Itaas ay hindi naaayon sa kanilang kalooban, binabago nila ang mga ito, at ipinapasa lamang nila ang mga ito sa iba kapag naaayon na ang mga ito sa kanilang kagustuhan. Hindi nila pinahihintulutang maipasa ang mga ito nang wala ang kanilang pagsang-ayon. Bagamat sa ibang lugar ay ipinapasa nang walang pagbabago ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, ang mga taong ito ay ipinapasa ang kanilang mga binagong bersyon ng mga pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Ninanais palagi ng mga gayong tao na isantabi ang Diyos; nananabik sila na ang lahat ay maniwala sa kanila, sumunod sa kanila, at tumalima sa kanila. Sa kanilang isipan, may ilang larangan kung saan ang Diyos ay hindi nakakapantay sa kanila—kailangang maging Diyos din sila mismo, at kailangang maniwala sa kanila ang iba. Iyon ang kalikasan nito. Kung naunawaan ninyo ito, tatangis pa rin ba kayo kapag sila ay tinanggal? Maaawa pa rin ba kayo sa kanila? Iisipin pa rin ba ninyo, “Ang Itaas ay kumilos nang hindi nararapat. Tinatrato Niya nang hindi patas ang mga tao. Paano Niya nagawang tanggalin ang gayong kasipag na tao?” Ang mga nagsasabi nito ay walang pagkilatis. Para kaninong kapakanan ba na sila ay nagsisipag? Para ba sa kapakanan ng Diyos? Para ba sa kapakanan ng gawain ng iglesia? Nagsisipag sila upang patibayin ang kanilang katayuan; nagsisipag sila upang makapagtayo ng mga nagsasariling kaharian. Naglilingkod ba sila sa Diyos? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? Sila ba ay tapat at masunurin sa Diyos? Sila ay pawang mga alipores ni Satanas, at kapag sila ay gumagawa, ang diyablo ang naghahari. Sinisira nila ang plano ng pamamahala ng Diyos at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sila ay mga tunay na anticristo! Sinasabi ng ilang tao: “Tingnan ninyo kung gaano sila kasipag na nagtatrabaho—kinakailangan ng pagsisikap ang pagsulat ng lahat ng bagay na iyon, at ang pagpasa ng mga iyon sa mga iglesia.” Kung gayon ay hayaan ninyong tanungin Ko kayo, ang mga bagay bang isinusulat nila ay nakakapagpatibay sa mga tao? Ano ba mismo ang layuning nais nilang makamit? Mayroon ka bang pagkilatis sa mga usaping ito? Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ikaw ay malinlang nila? Naisip mo na ba iyon? Naaawa ang ilan sa ganitong mga tao, sinasabi: “Nagtatrabaho sila nang husto at hindi madaling isulat ang lahat ng bagay na iyon, kaya dapat silang patawarin ng sambahayan ng Diyos kung mayroong ilang paglihis o mga baluktot na bagay sa naisulat nila.” Ano ang problema sa pagsasabi nila nito? Makakamit ba talaga ng isang tao ang papuri ng Diyos sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho nang husto? Para kaninong kapakanan ba ang pagtatrabaho nang husto ng mga taong ito? Kung hindi sila nagtatrabaho nang husto upang palugurin at bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos, ngunit sa halip ay upang magkamit sila ng katayuan, kung gayon, kahit gaano pa sila magtrabaho nang husto, mayroon ba itong anumang katuturan o kahalagahan? Ang ganitong uri ng pagtatrabaho nang husto ay makasarili at mababa, masama at walang kahihiyan! Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ang ganitong uri ng anticristo ay hindi tatanggalin? Guguluhin ng mga tao ang gawain ng iglesia ayon sa kanilang kagustuhan at sila ay magiging mga sumasalungat sa Diyos nang hindi nila namamalayan. Hindi ba’t ito ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos? Kung sila ay nagtatrabaho nang husto upang makamit ang mga sarili nilang mithiin, nagbibigay ba iyon sa kanila ng karapatang salungatin ang Diyos? Kung gayon ba ay dapat na silang sumalungat sa Kanya at maghimagsik sa Kanya? Dapat ba silang maging walang pakundangan at walang ingat, at sumuway sa Kanya? Basta na lang ba nila magagawa ang anumang gusto nila? Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan, ang mga sumusuway sa Diyos, at ang mga gustong kumilos lang nang walang pagkilatis, na nag-aakalang ang lahat ng ginagawa nila ay makatwiran at tama, ay pawang mga diyablo at alipores ni Satanas na naparito upang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia! Kung bukod sa hindi mo makilatis ang ganitong mga tao, ay nakikisimpatiya ka pa sa kanila, lumuluha para sa kanila, at ipinagtatanggol sila, kung gayon ay wala ka ring kuwenta, ikaw ay isang taong nagugulumihanan at walang alam. Maaari mo pa ring isipin: “Hindi nagiging maunawain ang Itaas sa damdamin ng mga taong ito. Nagtrabaho nang husto ang taong iyon at basta na lang siyang tinanggal ng Itaas.” Kung sinasabi mo ito, ikaw rin ay isang alipores ni Satanas at ikaw ay sa diyablo. Maraming tao ang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, hindi kailanman ibinubunyag o iniuulat ang mga huwad na lider at mga anticristo, hanggang isang araw ay may ginawang isang mapaminsalang bagay ang anticristo at napagtanto nila sa wakas na ito talaga ay isang kaso ng isang anticristo na nanlilinlang ng mga tao. May mga haka-haka pa rin ang ilang tao tungkol dito at iniisip: “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at dapat alam ng Itaas kung gaano karaming anticristo ang mayroon sa iglesia, kaya kailangan pa ba naming iulat ang mga ito?” Hindi ba kakatwa ang mga taong nagsasabi nito? Sa ngayon, ang Diyos ay kumikilos sa sangkatauhan at ang pinuno ng Itaas ay isang tao, kaya kung hindi siya nagkaroon ng direktang ugnayan sa mga usapin ng iglesia, paano niya malalaman ang tungkol sa mga bagay na ito? Maraming beses, kapag mayroong mga insidente ng mga anticristo, na nalulutas lamang ang mga problema pagkatapos silang iulat at ibunyag ng ilang tao, at ipinag-utos ng Itaas ang isang imbestigasyon. Habang gumagawa at inaakay ang mga tao sa normal na pagkatao, ang Diyos ay hindi naman talaga supernatural at Siya ay napakapraktikal, ngunit dinadaig, nilulupig, at ipinahihiya Niya si Satanas. Tanging sa ganitong paraan naihahayag ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang karunungan. Ganito kapraktikal ang gawain ng Diyos; isinasaayos Niya ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na ito upang ang Kanyang mga hinirang ay matuto ng mga aral, magkamit ng pagkakilala, at mapalawak ang kanilang kaalaman. Sa sandaling ang Kanyang mga hinirang ay magkamit ng pagkakilala, hindi magagawang takasan ng mga huwad na lider, mga anticristo, at masasamang tao ang paghatol ng Diyos. Gagamitin ng Diyos ang mga katunayan upang ibunyag sila at upang bigyan ng kakayahan ang lahat ng Kanyang mga hinirang na makakita nang malinaw at makaunawa. Hindi ba’t maraming masasamang tao at mga anticristo ang nabunyag at natiwalag noon? Wala bang malinaw na nakakikita sa usaping ito? Kung gayon, ikaw ay masyadong nagugulumihanan!

Bagama’t hindi nauunawaan ng ilang tao ang ilang bahagi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagawa pa rin nilang magpasakop, sinasabing: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at may kahulugan. Kung hindi natin ganap na nauunawaan ang mga pagsasaayos ng gawain, dapat ay magpasakop muna tayo sa mga ito. Hindi natin maaaring husgahan ang Diyos! Dapat makinig pa rin tayo sa mga pagsasaayos ng gawain, kahit na ang mga ito ay hindi naaayon sa mga haka-haka natin, dahil tayo ay mga tao, at ano ang nakikita ng isip ng tao? Dapat ay magpasakop na lang tayo sa mga pagsasaayos ng Diyos; darating ang araw na mauunawaan natin ang mga ito. Kapag umabot tayo sa araw na iyon at hindi pa rin natin ganap na maunawaan ang mga ito, dapat pa rin tayong taos-pusong magpasakop. Tayo ay mga tao, at dapat tayong magpasakop sa Diyos. Ito ang dapat nating gawin.” Ngunit naiiba ang ilang tao, at kapag nakikita nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-aaralan muna nila ang mga ito, sinasabing: “Ito ang sinasabi ng Diyos, at ang mga ito ang Kanyang mga hinihingi. Ang unang aytem ay mukhang ayos naman, ngunit ang ikalawa ay hindi masyadong akma kaya babaguhin ko ito.” Mayroon bang takot sa Diyos na puso ang ganitong mga tao? Kung binabago mo ang mga pagsasaayos ng gawain ayon sa kagustuhan mo, ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ba’t ito ay nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang mga bagay ba na tinataglay mo ang katotohanan? Kung nasa iyo talaga ang katotohanan, bakit hindi mo ito ipahayag? Bakit binabago mo ang mga salita ng Diyos? Anong disposisyon ang inihahayag mo sa paggawa nito? Ito ay isang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon, isang disposisyong hindi sumusunod kaninuman. Kung nangangahas kang pumili at magpasya pagdating sa mga pagsasaayos ng Diyos, mayroong malubhang problema sa iyong pananaw at disposisyon. Dapat mayroong pagkakilala sa ganitong mga tao ang mga hinirang ng Diyos. Una, ang mga ganitong tao ay hindi makakapagbahagi tungkol sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, ngunit naniniwala silang nauunawaan nila ang katotohanan at hindi sila susunod kaninuman. Pangalawa, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila binabanggit ang mga ito sa sambahayan ng Diyos, sa halip ay ipinagkakalat lamang nila ang mga ito. Pangatlo, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos at sa mga gawain ng sambahayan ng Diyos, bukod sa hindi nila nilulutas ang mga ito, inuudyukan pa nila ang mga hinirang ng Diyos na magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya, at na tumindig at lumaban sa Kanya, upang puwersahin Siyang kumilos alinsunod sa kanilang mga kagustuhan at upang sa huli ay magpasakop Siya. Batay sa tatlong pag-uugaling ito, makatitiyak ang isang tao kung anong uri ang mga taong ito. Sila ba ay mga taong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? Siguradong hindi. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti at hindi rin sila nasisiyahan sa Diyos. Mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos, at ipinagkakalat nila ang mga haka-hakang ito, na nagdudulot na ang lahat ay magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya at tumindig upang labanan at salungatin Siya. Batay rito, mailalarawan sila bilang mga tunay, ganap na anticristo. Paano dapat pangasiwaan ang ganitong mga tao? Dapat ba silang tulungan nang may pagmamahal? Walang silbi ang tulungan sila, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Paano kung pungusan at iwasto sila? Ito rin ay walang halaga, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng mga nananalig sa Diyos ang katotohanan, ito ay isang seryosong problema at isang kakila-kilabot na bagay! Kung tinitingnan mo ang usaping ito nang napakasimple at naniniwala kang hindi ito isang malaking isyu, darating ang araw na magkakasala ka sa Diyos. Nakakita na Ako ng ilang taong ganito, at kahit na hindi pa sila napapaalis, ang kanilang wakas ay naitakda na: Sila ay ititiwalag.

Kahit paano, dapat na mayroong pusong may takot sa Diyos ang mga nananalig sa Diyos. At ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? Dapat ay takot sa Diyos ang mga tao, dapat ay ginagawa nila ang lahat ng bagay nang may pag-iingat at pangangalaga, nagbibigay ng oportunidad sa kanilang sarili upang makaangkop, at hindi lamang basta ginagawa ang anumang gusto nila. Halimbawa, kapag tinatanggal ng sambahayan ng Diyos ang ilang huwad na lider, sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako sigurado tungkol sa bagay na ito. Hindi natin alam kung ano mismo ang ginawa nila, at kahit na alam natin, hindi natin lubos na nauunawaan ang kalikasan ng mga bagay na ginawa nila. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at darating palagi ang isang araw na gagawin Niyang malinaw ang mga bagay at tutulutang maunawaan natin ang Kanyang kalooban.” Kung hindi mo nauunawaan kung bakit ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ngunit kaya mo pa ring magpasakop, kung gayon, ikaw ay isang medyo debotong tao na masasabing medyo may takot sa Diyos na puso. Kung hindi mo nauunawaan, ngunit sinasalungat mo pa rin ang Diyos at ginugulo ang gawain ng iglesia, iyan ay nangangahulugan ng gulo. Sa tuwing tinatanggal ng iglesia ang ilang huwad na lider at itinitiwalag ang ilang anticristo, ang ilan sa kanilang matitibay na tagasuporta ay palaging naninindigan at ipinagtatanggol sila, hinuhusgahan ang Diyos sa publiko nang dahil dito, sinasabing hindi Siya matuwid, at hinihiling sa Banal na Espiritu na ihayag ang bagay na ito. Para sa ganitong mga tao, kahit na katangi-tangi ang kanilang paglilingkod kapag pinapalaganap ang ebanghelyo at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, wala sa mga ito ang mahalaga. Itatakda ng isang pagtataksil ang iyong kapalaran magpakailanman. Dapat mong makita nang malinaw ang diwa ng pagtataksil; huwag mong isiping hindi ito isang malaking usapin. Masasabing lahat kayo ay sumalungat sa Diyos, na lahat kayo ay nagkasala. Gayunman, ang kalikasan ng inyong pagsalungat at mga pagkakasala ay magkakaiba. Ang kalikasan ng usaping kababanggit ko pa lang ay napakalubha at bumubuo sa pampublikong paghusga at pagsalungat sa Diyos. Palaging mahilig magsulat ng ilang bagay ang ilang tao, ilang sulat na kaswal nilang pinaiikot sa iglesia. Ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? Ang mga isinusulat ba nila ay tunay na patotoo? Ang mga ito ba ay buhay karanasan? Ang mga ito ba ay nagpapatibay sa mga hinirang ng Diyos? Kung hindi naman pala, ngunit ang mga ito ay kaswal pa ring pinaiikot ng mga taong ito sa iglesia, kung gayon ay nililinlang nila ang mga tao, nagpapakalat ng mga maling pananampalataya at paniniwala, binabaluktot ang mga katunayan, ginugulo ang tama at mali, at nagsasalita ng pawang walang katuturan. Gusto pa ngang magsulat ng ilang tao ng sarili nilang aklat, pagkatapos ay ipadadala ito sa iglesia para sila ay maging sikat. Hindi pa ba natuto ang mga tao ng isang malalim na leksyon mula sa halimbawa ni Pablo? Gusto mo pa ring magsulat ng isang aklat, magsulat ng iyong “talambuhay ng isang kilalang tao” at sumulat ng isang “Buod ng Katotohanan.” Wala kang anumang katwiran! Kung may kakayahan ka, sumulat ka ng ilang piraso ng patotoong batay sa karanasan. Hindi ka pa ba nahusgahan at nagdusa nang sapat nitong ilang taon na ikaw ay nanalig sa Diyos? Hindi mo pa rin ba nakikita nang malinaw ang bagay na ito? Ano ang nauunawaan ng mga tao? Ang mga salita at doktrinang sinasambit mo ay hindi makalulutas kahit pa sa mga sarili mong problema, at nais mo pang ibahagi ang mga ito sa iba. Wala ka talagang kaalaman sa sarili mo! Bakit naglilimbag at nagpapadala ng mga aklat ang sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan? Dahil ang karamihan sa mga aklat na ito ay naglalaman ng mga salita ng Diyos, at ang iba pa ay pawang binubuo ng mga tunay na patotoong batay sa karanasan ng mga hinirang ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga positibong bagay na kailangan ng mga hinirang ng Diyos, at kaya, ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay kailangang lahat para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Ang paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ay nagmumula rin sa patnubay ng Banal na Espiritu. Nauunawaan ninyong lahat na ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay labis na mahalaga at kinakailangan. Alam na alam ninyo ang mga benepisyong makakamit ninyo mula sa pakikinig sa mga sermon, kaya kung mayroon kayong pagkakilala sa mga bagay na pinapakalat ng mga huwad na lider at anticristo, magagawa ninyong tunay na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Ngunit sa inyong kasalukuyang tayog, nauunawaan lamang ninyo ang maraming doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos, at hindi pa rin malinaw sa iyo ang katotohanan. Mayroong ilang mahalagang usaping hindi pa rin ninyo lubos na nauunawaan, na tila malabo at hindi malinaw sa inyo, at kaya wala pa rin kayong taglay na anumang katotohanang realidad at hindi pa rin kayo masyadong mapagkilatis. Paano man kumikilos o nagsasalita ang sinuman sa iglesia, wala kayong malinaw na pagkilatis dito. Naniniwala ang ilang tao na basta’t mahusay magsalita ang isang tao, makapagpapatotoo siya tungkol sa Diyos, at na ang mga hindi mahusay magsalita ay hindi makakapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kahit na mayroon sila nito. Tama ba sila tungkol dito? Sila ay lubhang nagkakamali; ang patotoong batay sa karanasan ay tunay kahit paano pa ito ipinapahayag, at kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ang sinasabi niya ay hindi tunay, kahit gaano pa siya kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina. Bakit ganito? Ang pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina ay hindi kumakatawan na ang isang tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at kahit na nauunawaan niya ang kaunting katotohanan, ang pagkaunawang ito ay masyado pa ring mababaw at limitado, at hindi talaga siya makapagsusulat ng tungkol sa patotoong batay sa karanasan. Kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ngunit walang pakundangan pa rin siyang nagsasalita ng mga salita at doktrina at nagleleksyon sa mga tao, siya ay naging isa nang mapagpaimbabaw na Pariseo. Nakagagawa lang siya ng huwad na patotoo upang linlangin ang mga tao. Ang mga gumagawa nito ay susumpain ng Diyos. Hindi nakasalalay sa kahusayan sa pagsasalita kung ang isang tao ay makapagpapatoo nang tunay o hindi. Tingnan mo kung gaano karami ang patotoong batay sa karanasan ni Pedro—gaano karaming liham ang isinulat niya? Gaano karaming artikulo ng patotoo ang isinulat niya? Maaaring kakaunti lang ito, ngunit pinuri ng Diyos si Pedro bilang ang taong labis na nakakikilala sa Kanya, at bilang ang isang taong tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung tunay na mayroon kang patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay tiyak na nagbago ka na at lalo pang naging maganda ang pag-uugali mo. Hindi mo na gagawin ang mga masigasig na bagay na iyon, ang mga bagay na inakala mong mabuti. Kapag napagtanto mo kung gaano kawalang-halaga, kahikahos, at kahabag-habag ang tao, hindi ka mangangahas na kumilos nang walang pakundangan, o na magsulat ng isang aklat o ng sariling talambuhay. Ang lahat ng nagnanais na magsulat ng mga aklat o ng mga sariling talambuhay, o patatagin ang kanilang mga reputasyon sa pamamagitan ng diumano’y pagbibigay ng ilang kontribusyon, ay pawang mapagmataas, may labis na pagtingin sa sarili, at mga taong ambisyoso na masyadong mataas ang tingin sa kanilang mga sariling kakayahan, na walang takot sa Diyos na puso, at na mahilig sundin ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga pagkilos. Lahat ng mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay itinutuon ang kanilang pansin sa pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, sa pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilos alinsunod sa mga prinsipyo. Iniisip nilang ang pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao, pagbabago ng disposisyon, pagpasok sa katotohanang realidad, at pagkakaroon ng tunay na patotoong batay sa karanasan ay mas mabuti kaysa anumang bagay. Ang mga kayang maghangad sa ganitong paraan ay ang pinakamatatalinong tao, at sila ang pinakanagtataglay ng katwiran.

Sipi 9

Tungkol kina Noe, Abraham at Job, na nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya, ano ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Anong mga katangian ng normal na pagkatao ang mayroon sila na naging dahilan para maging katanggap-tanggap sila sa Diyos? (Sila ay lalong higit na nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran.) Iyon ay ganap na tama. Nabuhay si Job nang napakatagal nang hindi siya kailanman personal na kinakausap ng Diyos at hindi personal na nagpapakita sa kanya ang Diyos, ngunit naiintindihan at nararamdaman ni Job ang lahat ng ginawa ng Diyos. Sa huli, nagbigay siya ng buod tungkol sa kanyang kaalaman sa Diyos: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay: “Si Jehova ay Diyos, Siya ang Lumikha, Siya ang aking Diyos, at kapag Siya ay nagsasalita, kahit na kalahati lamang ng Kanyang sinasabi ang nauunawaan ko, dapat ko itong pakinggan at ganap na sundin.” Naging katanggap-tanggap lamang si Job sa Diyos nang ang kaalaman ni Job tungkol sa Kanya ay umabot na sa antas na ito. Si Job ay nagkaroon ng ganitong mga karanasan at pagkaunawa, at kaya rin niyang tanggapin ang mga pagsubok na ibinigay ng Diyos sa kanya at magpasakop sa mga ito. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nakamit sa batayan ng pagkakaroon niya ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi mahalaga kung nakita niya ang Diyos, kung anuman ang ginawa ng Diyos sa kanya, at kung sinubok siya ng Diyos o kaya ay nagpakita sa kanya, palagi siyang naniniwala: “Si Jehova ang aking Diyos, at dapat akong sumunod sa itinuturo ng Diyos at sa kinalulugdan ng Diyos, naiintindihan ko man ito o hindi; dapat kong sundin ang Kanyang pamamaraan, at dapat akong makinig at sumunod sa Kanya.” Nakatala sa Aklat ni Job na ang mga anak ni Job ay madalas na magkaroon ng mga piging, at si Job ay hindi kailanman makikibahagi sa kanila, na sa halip ay mananalangin at mag-aalay siya ng mga handog na sinusunog para sa kanila. Ang katotohanan na madalas itong gawin ni Job ay nagpapatunay na alam niya sa kanyang puso na kinamumuhian ng Diyos ang pagpapakasasa ng tao sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at ang palagiang pagdaraos ng sangkatauhan ng mga piging. Naunawaan ni Job sa kanyang puso na ito ang katotohanan, at kahit na hindi niya direktang narinig na sinabi ito ng Diyos, alam niya sa kanyang puso na ito ang ibig sabihin ng Diyos. Dahil alam ni Job kung ano ang ibig sabihin ng Diyos, nagawa niyang makinig at sumunod sa Kanya, pinanghawakan niya ito sa lahat ng oras, at hindi siya kailanman nakibahagi sa pagkain, pag-inom, at pagpipista. Naunawaan ba ni Job ang katotohanan? Hindi. Nagawa niya ito dahil mayroon siyang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Bukod sa konsiyensiya at katwiran, ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon niya ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Kinilala niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso na ang Diyos ang Lumikha, at ang sinasabi ng Lumikha ay ang kalooban ng Diyos. Sa mga kasalukuyang termino, ito ang katotohanan, ito ang pinakamataas na panuntunan, at ito ang dapat sundin ng tao. Maunawaan man ng tao ang ibig sabihin ng Diyos o hindi, o maunawaan man nila ang ilan sa mga sinabi ng Diyos, dapat itong tanggapin at sundin ng tao. Ito talaga ang katwiran na dapat ay taglay ng tao. Kapag taglay ng tao ang ganitong katwiran, mas madali para sa tao na manatili sa salita ng Diyos, isagawa ang Kanyang salita, at sundin ang Kanyang salita. Sa paggawa nito, walang magiging mga paghihirap, walang pagdurusa, at tiyak na walang anumang uri ng mga hadlang. Naunawaan ba ni Job ang malaking bahagi ng katotohanan? Kilala ba niya ang Diyos? May kaalaman ba siya sa mga pag-aari ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos o sa Kanyang disposisyon at diwa? Kung ikukumpara sa mga tao ngayon, hindi niya Siya kilala, at napakakaunti ng naintindihan niya. Gayunpaman, ang taglay ni Job ay ang katangiang isagawa ang lahat ng naunawaan niya. Matapos maunawaan ang isang bagay, siya ay magiging masunurin at matatag. Ito ang pinakamarangal na aspeto ng kanyang pagkatao, at ito din ang pinakaminamaliit ng mga tao. Iniisip ng mga tao, “Hindi ba’t umiwas lang naman si Job sa pagpipiging? Hindi ba’t palagi lang siyang nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa harap ng Diyos? Sa mga termino ngayon, hindi ba’t umiwas lang siya sa pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman?” Ito ay isang mababaw na bagay lamang, ngunit kapag tiningnan mo ang personal na disposisyon, diwa, at pagkatao ni Job sa likod ng mga kilos na ito, mauunawaan mo na hindi ito isang simpleng bagay, at hindi rin ito madaling makamit. Kung ang isang normal na tao ay iiwas sa pagpipiging upang makatipid, madali lang itong maisasakatuparan. Ngunit si Job ay mayaman noong panahong iyon. Sinong mayaman ang pipiliing hindi magkaroon ng mga piging? Kung gayon, bakit nagawa ni Job na umiwas sa pagpipiging? (Alam niyang kinamumuhian ito ng Diyos. Nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.) Tunay nga. Sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, ano ang partikular na isinagawa ni Job? Alam niya na ang mga bagay na kinamumuhian ng Diyos ay pawang masasama, kaya’t sinunod niya ang salita ng Diyos, at hindi siya gagawa ng anumang kinamumuhian ng Diyos. Hindi niya gagawin ang mga bagay na ito, anuman ang sabihin ng iba. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang pusong may takot sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos? Nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay takot sa Diyos, kayang igalang ang Diyos bilang dakila, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Hindi siya takot na makikita ito ng Diyos, o na magagalit ang Diyos. Sa halip, sa kanyang puso ay iginalang niya ang Diyos bilang dakila, na handa niyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa paniniwala sa Diyos. Samakatuwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil iginalang ng kanyang puso ang Diyos bilang dakila. Hindi man maging kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na hinahamak ng mga tao ang mga salitang ito, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat itong sundin ng mga tao—kahit pa sila ay kinukutya o sinisiraan dahil dito. Kahit makaranas sila ng paghihirap o sila ay inuusig, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli; hindi nila maaaring isuko ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ayos lang kung hindi mo alam ang tungkol sa mga ito, ngunit kung alam mo ang tungkol sa mga ito, kung gayon ay dapat na magagawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong magpakatatag, kahit na iwanan ka ng iyong pamilya, kutyain ng mga hindi naniniwala, o insultuhin at pagtawanan ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong magpakatatag? Ano ang iyong panimulang punto? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay, “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang kalooban. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang kalooban ng Diyos, ayos lang, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang kalooban, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at sumunod sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin, at hindi ako matitinag kahit pa magwakas na ang mundo.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ang paunang kondisyon para makaiwas ang mga tao sa kasamaan ay ang pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos. Paano nabubuo ang isang pusong may takot sa Diyos? Sa pamamagitan ng paggalang sa Diyos bilang dakila. Ano ang ibig sabihin ng paggalang sa Diyos bilang dakila? Ito ay kapag alam ng isang tao na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang kanyang puso ay may takot sa Diyos. Bilang resulta, nagagamit niya ang mga salita ng Diyos kapag sinusuri ang anumang sitwasyon, at ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pamantayan at batayan. Ito ang ibig sabihin ng paggalang sa Diyos bilang dakila. Sa madaling salita, ang paggalang sa Diyos bilang dakila ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, upang ang puso mo ay manahan sa Diyos, ang hindi kaligtaan ang iyong sarili sa mga bagay na iyong ginagawa, at ang hindi subukang gawin ang mga bagay sa iyong sarili, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Naniniwala ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilalang na pinili ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, rekomendasyon, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na maging Amo ko. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at kalooban, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang biglaan o padalus-dalos. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kung ang Diyos ay masusuklam sa iyong mga kilos, at kung ang iyong mga kilos ay naaayon sa Kanyang kalooban. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos aypagiging mapusok, at ang maudyukan ng init ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kaya kapag sinasabi mong iginagalang mo ang Diyos bilang dakila, hindi ba’t walang saysay ang mga salitang ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang igalang ang Diyos bilang dakila. Kumikilos ka na gaya ng panginoon ng asyenda sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang pusong may takot sa Diyos, hindi ba ito kahangalan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Kung ang isang tao ay may pusong may takot sa Diyos, paano ito aktuwal na naipamamalas? Sa pamamagitan ng paggalang sa Diyos bilang dakila. Ang konkretong pagpapakita ng paggalang sa Diyos bilang dakila ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa kanyang puso—ang pangunahing lugar. Sa kanyang puso pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at humawak ng awtoridad. Kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong sumusunod sa Diyos. Hindi siya padalus-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang marahas; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, nagbubulag-bulagan ka, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas ng isang pusong may Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, patuloy nilang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig sa sinuman kahit paano pa sila nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong iginagalang mo ang Diyos bilang dakila, at ikaw ay may pusong may takot sa Diyos, ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan. Ang mga taong ang puso ay walang Diyos, at hindi kayang igalang ang Diyos bilang dakila, ay mga taong walang pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong masunurin sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsiyensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsiyensiya at katwiran, kapag may nangyari, likas nilang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna nilang isipin, “Naniniwala ako sa Diyos. Naparito ako upang hanapin ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko; Lagi akong sumasalungat sa kalooban ng Diyos. Dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan kung paano maging masunurin sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang mga kaisipan at adhikain na nagmumula sa katwiran ng isang normal na pagkatao. Ito ang mga prinsipyo at saloobin kung paano mo dapat gawin ang mga bagay. Kapag taglay mo katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay taglay mo ang saloobing ito; kapag hindi mo taglay ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay hindi mo taglay ang ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kinakailangan at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan.

Sinundan: Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao

Sumunod: Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger