Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7
Ikapitong Aytem: Italaga at Gamitin ang Iba’t Ibang Uri ng mga Tao sa Makatwirang Paraan, Batay sa Kanilang Pagkatao at mga Kalakasan, nang sa gayon ay Magamit ang Bawat isa sa Pinakamainam na Paraan (Ikalawang Bahagi)
Sa huling pagbabahaginan, tinalakay ang ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Italaga at gamitin ang iba’t ibang uri ng mga tao sa makatwirang paraan, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, nang sa gayon ay magamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan.” Pangunahin nating pinagbahaginan ang tatlong aspekto ng responsabilidad na ito. Ano ang tatlong aspektong ito? (Una ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao; pangalawa ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan; at ang pangatlo ay kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao.) Ang mga ito ang pangunahing tatlong aspekto. Sa pagsusuri sa tatlong aspektong ito, ginagamit ba ang bawat tao sa pinakamainam na paraan sa prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? (Oo.) Tumpak ba ang prinsipyong ito? Patas ba ito para sa mga tao? (Patas ito.) Tungkol naman sa mga hangal na may mahinang pag-iisip, wala silang kakayahang gawin ang anumang bagay, at hindi nila kayang gumawa ng kaunting tungkulin. Kung magtatalaga ka sa kanila ng trabaho—maging sa propesyonal, teknikal na aspekto, o sa usapin ng pisikal na trabaho, hindi nila ito kayang tapusin. Talagang hindi puwedeng gamitin ang gayong mga tao, kahit sa pagseserbisyo. Sa usapin ito ng katalinuhan. Sa usapin naman ng pagkatao, ang mga may masamang pagkatao at masasamang tao, bagama’t kaya nilang gumawa ng kaunting gawain at gumampan ng kaunting tungkulin, dahil masyadong masama ang pagkatao nila, magdudulot sila ng mga panggugulo at paggambala sa paggampan sa tungkulin nila, na hahantong sa mas malaking kawalan kaysa sa pakinabang, at wala silang anumang magagawa nang maayos. Hindi angkop ang gayong mga tao sa paggampan ng tungkulin at talagang hindi sila puwedeng gamitin. Kung may mga taong nagtataglay ng ilang partikular na kalakasan, hangga’t natutugunan nila ang lahat ng kondisyong hinihingi para sa gawain ng sambahayan ng Diyos—sa batayan ng pagkakaroon ng kalipikadong pagkatao—maaari silang makatwirang italaga at gamitin. Noong nakaraan, nagbahaginan din tayo tungkol sa kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao. Ang unang uri ay ang mga taong gaya ni Hudas, na lubhang duwag. Batay sa lubha nilang karuwagan, sa sandaling mahuli sila ng malaking pulang dragon, may 100% na posibilidad na magiging Hudas sila; kung itatalaga sila sa isang mahalagang gawain, kapag may mangyayari, ipagkakanulo nila ang lahat. Hindi ba mapanganib ang mga taong ito? Mayroon ding isang uri ng mga tao na katulad ng mga hindi mananampalataya, na tinatawag nating mga kaibigan ng iglesia. Tila naniniwala ang mga taong ito sa puso nila na may isang Matandang Lalaki sa langit, pero hindi nila alam kung talaga bang umiiral ang Diyos, kung nasaan ba ang Diyos, o kung tunay nga bang ginawa ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, madalas nilang pinagduduhan ang pag-iral ng Diyos. Hindi sila tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Samakatwid, hindi puwedeng gamitin ang gayong mga tao, hindi sila nababagay na gumampan ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kahit iyong mga tunay na nananampalataya ay hindi palaging nakakagampan ng tungkulin nila nang pasok sa pamantayan, lalo na ang isang hindi mananampalataya, isang kaibigan ng iglesia! Ang isa pang uri ng mga tao ay iyong mga tinanggal; nahahati rin ang grupong ito sa ilang sitwasyon.
Ang nilalaman ng nakaraang pagbabahaginan tungkol sa ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay simpleng sumasaklaw sa tatlong pangunahing puntong ito: Una ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao; pangalawa ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan; at ang pangatlo ay kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao. Ang tatlong pangunahing puntong ito ay ibinahagi batay sa ilang aspektong binanggit sa ikapitong responsabilidad, at malinaw na ibinahagi ang tungkol sa mga prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao: “Bagama’t malinaw na ibinaha ang tungkol sa mga prinsipyo, pagdating sa ilang partikular na usapin at espesyal na sitwasyon, hindi pa rin namin alam kung paano gamitin ang mga prinsipyong ito, kung paano tratuhin ang mga tao, o kung paano itaguyod at gamitin ang mga indibidwal; madalas pa rin naming hindi alam kung ano ang gagawin.” Umiiral ba ang gayong problema? (Oo.) Paano dapat lutasin ang problemang ito? Ang unang dapat isaalang-alang sa pagtataguyod at paggamit ng mga tao ay ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawang dapat isaalang-alang ay kung ang epekto ng paggamit sa isang indibidwal sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay mas kapaki-pakinabang kaysa sa nakakapinsala, o kabaligtaran. Kung may kapintasan ang pagkatao ng isang indibidwal, pero mas kapaki-pakinabang ang paggamit sa kanya kaysa sa nakakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maaaring pansamantalang gamitin ang gayong indibidwal hanggang sa makahanap ng mas angkop na tao. Kung magreresulta ang paggamit sa taong ito sa mas higit na pinsala kaysa sa kabutihan, at sa mas higit na kawalan kaysa sa pakinabang, na humahantong lang sa pagkasira at pagkagulo sa gawain ng iglesia, kung gayon, talagang hindi puwedeng gamitin ang gayong tao. Ito ang prinsipyo ng pagtimbang ng mga kalamangan at kahinaan na dapat munang maarok sa mga sitwasyon kung saan walang angkop na mga kandidato, at ito rin ang prinsipyo para sa pansamantalang paggamit ng mga tao. Kapag walang mahanap na angkop na kandidato at hindi malinaw kung sino ang maaaring medyo mas mahusay, kapag hindi malinaw kung sino ang ganap na nababagay sa isang gampanin at tila pangkaraniwan lang ang lahat, ano ang dapat gawin? Ang tanging pagpipilian ay ang maghanap ng dalawang tao na medyo may espirituwal na pang-unawa, ibig sabihin, iyong mga purong nakakaarok sa katotohanan, para sama-samang magtulungan sa paggawa sa gawain. Habang ginagampanan nila ang mga tungkulin nila, dapat mas ipagbahaginan sa kanila ang tungkol sa katotohanan, at dapat obserbahan at unawain ang mga sitwasyon nila; sa ganitong paraan, posibleng matukoy kung sino ang mayroong medyo mas mabuting kakayahan, na magpapadali sa paghahanap sa marapat na kandidato. Kahit sino pa ang maisaayos na gumampan ng tungkulin, kailangang nakabatay ito sa kakayahan, mga kalakasan, at katangian niya; mahalaga ito. Kung hindi malinaw na nakikilatis ng isang tao ang mga aspektong ito at hindi nauunawaan kung anong mga kalakasan ang taglay ng tao, dapat muna siyang atasan ng isang simpleng tungkulin, o isang pisikal na trabaho, o maisaayos sa pangangalap ng tatanggap ng ebanghelyo para pangaralan ng ebanghelyo. Pagkatapos ng isang panahon ng pagsubok, ginagawang posible ng pagsusubaybay at karagdagang obserbasyon na tumpak na masuri ang sitwasyon niya at mas madaling matukoy kung ano ang pinakaangkop na tungkulin para sa kanya. Kung masyadong mahina ang kakayahan niya at wala siyang mga kalakasan, sapat na ang pagtatalaga sa kanya ng kaunting pisikal na gawain. Kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa ang mga superbisor ng mahalagang gawain, ang mga direktor ng ebanghelyo, bawat lider ng pangkat, mga direktor ng mga pangkat na gumagawa ng pelikula, at iba pa, mula sa iba’t ibang sanggunian at mas mahigpit na obserbahan at suriin ang mga taong ito bago sila makatiyak sa mga ito. Sa pamamagitan lamang ng maingat na pagtatalaga ng mga tungkulin sa mga tao sa ganitong paraan sila makatitiyak na angkop ang mga pagsasaayos, at na magiging epektibo ang mga tao sa tungkulin ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Maging ang mga walang pananampalataya ay nagsasabing, ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit lubhang walang tiwala ang sambahayan ng Diyos? Lahat sila ay mga mananampalataya; gaano ba sila kasama? Hindi ba’t mabubuting tao silang lahat? Bakit sila kailangang unawain, pangasiwaan, at obserbahan ng sambahayan ng Diyos?” Tama ba ang mga salitang ito? May problema ba sa mga ito? (Mayroon.) Naaayon ba sa mga prinsipyo ang malalimang pag-unawa at pag-obserba sa isang tao, at pakikisalamuha sa kanila nang malapitan? Ganap na naaayon ito sa mga prinsipyo. Sa aling mga prinsipyo ito naaayon? (Ikaapat na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na baguhin ang kanilang mga tungkulin o tanggalin sila kung kinakailangan, upang maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.”) Magandang gawing pamantayan ito, ngunit ano ang tunay na dahilan sa paggawa nito? Ito ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Ngayon, bagama’t maraming taong gumagawa ng tungkulin, iilan lamang ang naghahangad ng katotohanan. Napakakaunting tao ang naghahangad sa katotohanan at pumapasok sa realidad habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin; para sa karamihan, wala pa ring mga prinsipyo sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, hindi pa rin sila mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos; ipinapahayag lamang nila na mahal nila ang katotohanan, at handa silang hangarin ang katotohanan, at handa silang magsumikap para sa katotohanan, subalit wala pa ring nakakaalam kung hanggang kailan tatagal ang kanilang determinasyon. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay malamang na magbunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon anumang oras o saanmang lugar. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin, madalas silang pabasta-basta, kumikilos sila ayon sa gusto nila, at ni wala silang kakayahang tumanggap ng pagpupungos. Sa sandaling sila ay maging negatibo at mahina, may tendensiya silang tumalikod sa kanilang tungkulin—madalas itong mangyari, wala nang ibang mas karaniwan pa rito; ganoon kumilos ang lahat ng hindi naghahangad ng katotohanan. Kaya nga, kapag hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi sila mapagkakatiwalaan? Ang ibig sabihin niyon ay na kapag nahaharap sila sa mga paghihirap o balakid, malamang na mabuwal sila, at maging negatibo at mahina. Mapagkakatiwalaan ba ang isang taong madalas maging negatibo at mahina? Talagang hindi. Ngunit iba ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay malamang na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at pusong nagpapasakop sa Diyos, at ang mga tao lamang na may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong mapagkakatiwalaan; ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso ay hindi mapagkakatiwalaan. Paano dapat harapin ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso? Siyempre, dapat silang bigyan ng mapagmahal na tulong at suporta. Dapat silang subaybayan nang mas madalas habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at mas tulungan at turuan; saka lamang magagarantiyahan na gagawin nila nang epektibo ang kanilang tungkulin. At ano ang layon ng paggawa nito? Ang pangunahing layon ay ang itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawa rito ay para agad na matukoy ang mga problema, para agad silang matustusan, masuportahan, o mapungusan, na itinatama ang kanilang mga paglihis, at pinupunan ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan. Kapaki-pakinabang ito sa mga tao; walang masamang hangarin dito. Ang pangangasiwa sa mga tao, pagmamasid sa kanila, pagsisikap na maunawaan sila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, para bigyan sila ng kakayahang gawin ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila magdulot ng mga panggugulo o pagkagambala, at upang pigilan silang gumawa ng walang saysay na gawain. Ang layon ng paggawa nito ay ganap na tungkol sa pagpapakita ng responsabilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin dito. Ipagpalagay na may nagsasabi, “Ang mga ito pala ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtrato sa mga tao, ito ang mga paraang ginagamit nila. Kailangan ko nang mag-ingat mula ngayon. Walang pagpapahalaga sa seguridad sa sambahayan ng Diyos. Palaging may nakabantay sa iyo; mahirap gampanan ang tungkulin mo!” Tama ba ang pahayag na ito? Anong klase ng mga tao ang magsasabi ng ganoong bagay? (Mga hindi mananampalataya.) Mga hindi mananampalataya, mga kakatwang tao, at iyong mga walang espirituwal na pang-unawa—nakahiligan nilang magsalita nang magulo at walang katuturan, nang hindi nauunawaan ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Hindi ba mga salita ito na humuhusga at kumokondena sa gawain ng iglesia? Isa rin itong paghusga at pagkondena sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang mga taong may kakayahang magsabi ng gayong mga salita ay tiyak na mga taong naguguluhan, na hindi nauunawaan ang katotohanan, silang lahat ay mga hindi mananampalataya na hindi nagmamahal sa katotohanan.
Pinangangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukang unawain ng sambahayan ng Diyos ang mga taong gumagawa ng tungkulin. Kaya ba ninyong tanggapin ang prinsipyong ito ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Isang magandang bagay kung matatanggap mong pangasiwaan, obserbahan, at subukang unawain ka ng sambahayan ng Diyos. Makakatulong ito sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, sa pagkakaroon mo ng kakayahang magawa ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan at para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Kapaki-pakinabang at nakakatulong ito sa iyo, nang wala talagang negatibong epekto. Kapag naunawaan mo na ang prinsipyong ito, dapat ba na hindi ka na makaramdam ng paglaban o pagbabantay laban sa pangangasiwa ng mga lider, manggagawa, at mga taong hinirang ng Diyos? Bagama’t paminsan-minsan ay sinusubukan kang unawain ng isang tao, inoobserbahan ka, at pinangangasiwaan ang gawain mo, hindi mo ito dapat personalin. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang mga gawaing nasa iyo ngayon, ang tungkuling ginagampanan mo, at anumang gawaing ginagawa mo ay hindi mga pribadong gawain o personal na trabaho ng sinumang tao; may kinalaman ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at may kaugnayan sa isang bahagi ng gawain ng Diyos. Samakatuwid, kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para pangasiwaan o obserbahan ka, o umuunawa sa iyo nang malalim, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong saloobin o emosyon tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—magagawa mo bang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Ang pagsusuri ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahirap, at malalim. Kung hindi mo matanggap ang pangangasiwa ng mga hinirang na tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang sinasabi mo na kaya mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Mayroon akong mga karapatang pantao, may kalayaan ako, may sarili akong paraan ng paggawa. Ang mapasailalim sa pangangasiwa at inspeksiyon sa lahat ng ginagawa ko, hindi ba’t nakakasakal ang ganitong paraan ng pamumuhay? Nasaan ang mga karapatang pantao ko? Nasaan ang kalayaan ko?” Tama ba ang pahayag na ito? Ang mga karapatang pantao at kalayaan ba ang katotohanan? Hindi ang katotohanan ang mga ito. Ang mga karapatang pantao at kalayaan ay mga medyo sibilisado at progresibong paraan lang ng pagtrato sa mga tao sa lipunan, pero sa sambahayan ng Diyos, ang salita ng Diyos at ang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat—hindi maikukumpara ang mga ito sa “mga karapatang pantao” at “kalayaan.” Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, anuman ang ginagawa ay hindi nakabatay sa matatayog na teorya o kaalaman ng mundo ng mga walang pananampalataya, kundi sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Kaya, kapag sinasabi ng ilang tao na gusto nila ng mga karapatang pantao at kalayaan, ayon ba ito sa mga prinsipyo? (Hindi.) Talagang malinaw na hindi ito nakaayon sa prinsipyo ng paggampan sa tungkulin. Nasa sambahayan ka ng Diyos, ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, hindi nagtatrabaho sa lipunan para kumita ng pera. Kaya, hindi kailangan ng sinuman na ipagtanggol ka para protektahan ang iyong mga karapatang pantao; hindi kinakailangan ang mga gayong bagay. Nagtataglay ba ng pagkilatis ang karamihan sa mga tao tungkol sa mga karapatang pantao at kalayaan? Nabibilang ang mga ito sa mga kaisipan at perspektiba ng tao at hindi puwedeng ikumpara sa katotohanan; hindi naaangkop ang gayong mga ideya sa sambahayan ng Diyos. Isang magandang bagay na pinangangasiwaan ng isang lider ang gawain mo. Bakit? Dahil nangangahulugan ito na umaako siya ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia; ito ang tungkulin niya, ang responsabilidad niya. Ang magawang tuparin ang responsabilidad na ito ay nagpapatunay na siya ay isang mahusay na lider, isang mabuting lider. Kung bibigyan ka ng ganap na kalayaan at mga karapatang pantao, at magagawa mo ang anumang gusto mo, masusunod ang mga pagnanais mo, at matatamasa ang buong kalayaan at demokrasya, at anuman ang ginawa mo o paano mo man ito ginawa, ang lider ay walang pakialam o hindi nangasiwa, hindi ka kailanman kinuwestiyon, hindi sinuri ang gawain mo, hindi nagsalita nang matuklasan ang mga isyu, at maaaring nanghikayat o nakipagkasundo lang sa iyo, maituturing ba siya na mabuting lider? Malinaw na hindi. Pinipinsala ka ng gayong lider. Kinukunsinti niya ang paggawa mo ng masama, pinapahintulutan kang lumabag sa mga prinsipyo at gawin ang nais mo—tinutulak ka niya patungo sa isang hukay ng apoy. Hindi ito isang responsable at pasok sa pamantayan na lider. Sa kabilang banda, kung nagagawa ng isang lider na regular kang pangasiwaan, tukuyin ang mga isyu sa gawain mo, at maagap kang paalalahanan o sawayin at ilantad ka, at ituwid at tulungan ka sa iyong mga maling paghahangad at paglihis sa maagap na paggampan sa tungkulin mo, at sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, pagsaway, pagtustos, at pagtulong, nagbabago ang mali mong saloobin sa tungkulin mo, nagagawa mong iwaksi ang ilang kakatwang pananaw, unti-unting nababawasan ang sarili mong mga ideya at mga bagay na umuusbong mula sa pagkamainitin ng ulo, at nagagawa mong mahinahong tanggapin ang mga pahayag at pananaw na tama at ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ito para sa iyo? Napakalaki nga ng mga pakinabang!
Tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pangangasiwa, pagmamasid, at pag-unawa. Ano ang batayan sa pagtrato sa mga tao sa ganitong paraan? Bakit sila tinatrato sa ganitong paraan? Hindi ba ito isang pamamaraan at pagharap na nagmumula sa mga prinsipyo ng pagiging tapat, seryoso, at responsable sa tungkulin ng isang tao? (Oo.) Kung hindi kailanman nangangasiwa, nagmamasid, o malalim na nauunawaan ng isang lider ang mga taong responsabilidad niya sa paggawa niya ng tungkulin niya, maituturing ba siya na isang lider na tapat sa tungkulin niya? Malinaw na hindi. Nasuri ba ng mga lider, manggagawa, at superbisor ninyo ang gawain mo? Nakapagtanong ba sila tungkol sa pag-usad ng gawain mo? Nakapaglutas ba sila ng mga isyu na lumitaw sa gawain mo? Naitama ba nila ang anumang mga malinaw na kamalian o paglihis sa gawain mo? Nakapag-alok ba sila ng tulong, panustos, suporta, o pagpupungos kaugnay sa iba’t ibang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao mo at paghahangad mo ng buhay pagpasok? Kung bukod sa hindi kailanman nagbibigay ng paggabay ang isang lider para sa mga gumagampan ng mga ordinaryong tungkulin ay hindi rin siya nagbibigay ng pagbabahaginan, tulong, o suporta para sa mga nakikibahagi sa makabuluhang gawain—bukod pa sa pangangasiwa, pagmamasid, o malalim na pag-unawa—kung wala ang mga pagpapamalas at kilos na ito, maituturing ba ang lider na ito bilang isang lider na gumagawa ng kongkretong gawain? Pasok ba siya sa pamantayan bilang lider? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Nagdaraos lang ng mga pagtitipon para sa amin ang lider namin nang dalawang beses sa isang linggo, nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos nang kaunti, at pagkatapos ay nagbabasa ng kaunting pagbabahaginan mula sa Itaas, at minsan ay nagbabahagi siya tungkol sa personal niyang pagkaunawa batay sa karanasan. Pero hindi siya kailanman nag-alok ng anumang payo, panustos, o tulong kaugnay sa iba’t ibang kalagayan namin, pati na sa mga paghihirap na kinakaharap namin habang ginagampanan ang mga tungkulin namin o sa buhay pagpasok.” Ano ang masasabi mo tungkol sa lider na ito? (Hindi siya pasok sa pamantayan, isa siyang huwad na lider.) Kung walang pakialam ang isang lider sa sarili niyang trabaho o sa iba’t ibang kalagayan ng mga taong nasa ilalim niya, ni hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya, kung gayon, hindi siya pasok sa pamantayan bilang lider. Hindi siya nangangasiwa, nagmamasid, o sumusubok na unawain ang sinuman. Sa bawat pagkakataon, ganito ang pag-uusap ninyo: “Kumusta na ngayon ang taong ito?” “Pinagmamasdan ko siya ngayon.” “Gaano mo na siya katagal na pinagmamasdan? Pamilyar ka na ba sa kanya?” “Mga isa o dalawang taon ko na siyang pinagmamasdan. Hindi pa ako masyadong pamilyar sa kanya.” “Paano naman ang taong iyon?” “Hindi pa rin ako masyadong nakatitiyak sa kanya, pero kaya niyang magtiis ng paghihirap sa paggampan sa tungkulin niya, may pagpapasya siya, at handang igugol ang sarili niya para sa Diyos.” “Paimbabaw lahat iyan. Kumusta naman ang paghahangad niya sa katotohanan?” “Kailangan ko rin bang alamin iyon? Sige, susuriin ko ito.” Lingid sa kaalaman kung gaano katagal mo pa kakailanganing maghintay sa mga resulta matapos niyang sabihing susuriin niya ito, wala itong katiyakan. Ang gayong huwad na lider ay hindi mapagkakatiwalaan sa gawain niya.
May responsableng saloobin ba sa gawain ninyo ang mga lider ninyo sa iglesia at mga superbisor ninyo? Tunay ba nilang naaarok at nauunawaan ang mga kalagayan ninyo kaugnay sa gawain? Maayos bang natugunan ang aspektong ito ng gawain? (Hindi.) Wala sa kanila ang maayos na nakapagtugon sa aspektong ito; walang sinumang umabot sa punto ng pagiging tapat sa tungkulin niya at pagiging seryoso at responsable para sa gawain. Kung gayon, madali bang makamit ito? Mahirap ba ito? Hindi ito mahirap. Kung talagang may kahusayan ka, tunay mong nauunawaan ang mga propesyonal na kasanayang saklaw ng iyong responsabilidad, at hindi ka isang tagalabas sa iyong propesyon, isang parirala lamang ang kailangan mong sundin, at magagawa mo nang maging tapat sa iyong tungkulin. Aling parirala? “Isapuso mo ito.” Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, at isinasapuso mo ang mga tao, magagawa mong maging tapat at responsable sa iyong tungkulin. Madali bang isagawa ang pariralang ito? Paano mo ito isasagawa? Hindi ito nangangahulugan ng paggamit ng iyong mga tainga para makinig, o ng iyong isipan para mag-isip—ibig sabihin nito ay paggamit ng puso mo. Kung tunay na magagamit ng isang tao ang puso niya, kapag may nakita ang mga mata niya na isang tao na ginagawa ang isang bagay, kumikilos sa isang paraan, o may partikular na pagtugon sa isang bagay, o kapag naririnig ng kanyang mga tainga ang mga opinyon o argumento ng ilang tao, sa paggamit ng kanyang puso para pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito, papasok sa kanyang isipan ang ilang ideya, pananaw, at saloobin. Ang mga ideya, pananaw, at saloobing ito ay bibigyan siya ng malalim, partikular, at tamang pagkaunawa sa tao o bagay, at kasabay nito, magpapausbong ito ng mga angkop at tamang paghusga at prinsipyo. Tanging kapag may mga pagpapamalas ang isang tao ng paggamit sa kanyang puso nangangahulugan na siya ay tapat sa kanyang tungkulin. Pero kung hindi mo isasapuso ang mga bagay-bagay, kung wala kang malasakit para dito, hindi tutugon ang mga mata mo sa anumang nakikita mo, at hindi tutugon ang mga tainga mo sa anumang naririnig mo. Hindi kailanman inoobserbahan ng mga mata mo ang mga tao, pangyayari, at bagay; hindi nito inoobserbahan ang mga impormasyon na iyong natatanggap. Sa puso mo, hindi mo kikilatisin ang iba’t ibang tinig at argumentong naririnig mo, at hindi mo rin makikilatis ang mga impormasyong nahahanap mo. Para ka na ring bulag kahit nakabukas ang iyong mga mata. Kapag bulag ang puso ng isang tao, bulag din ang kanyang mga mata. Kaya, ano ang nagiging dahilan para mabuo ang mga ideya, pananaw, at saloobin mula sa pag-oobserba sa mga bagay-bagay gamit ang mga mata at pagtanggap ng mga impormasyon gamit ang mga tainga? Nakadepende ang lahat ng ito sa pagsasapuso sa mga bagay-bagay at paghahanap sa katotohanan. Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, sa tuwing tumatanggap ka ng impormasyon, nakita man o narinig, makakabuo ka ng mga pananaw at makakapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa isang tao o bagay. Pero kung hindi mo isasapuso ang mga bagay-bagay, walang halaga ang dami ng impormasyong natatanggap; kung hindi mo isasapuso ang pakilatis dito o pag-unawa nang malinaw rito, wala kang makakamit, ikaw ay magiging walang kwenta, at walang silbi. Ano ang tinutukoy sa isang taong walang silbi? Tumutukoy ito sa isang tao na hindi nagsasapuso ng paggawa sa kanyang tungkulin—may mga mata at tainga siya, pero hindi nagagamit ang mga ito. Ang isang tao na walang puso ay hindi magiging tapat sa kanyang tungkulin at hindi rin makakapagkamit ng isang seryoso at responsableng saloobin sa kanyang gawain.
Nagsasagawa ng pangangasiwa ang sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas, malalim silang pinagmamasdan at inuunawa, na may layong mapabuti ang gawain ng iglesia at magabayan ang mga hinirang ng Diyos tungo sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos sa lalong madaling panahon. Samakatwid, mahalaga ang pangangasiwa at pagmamasid sa mga lider at manggagawa, at kailangang isagawa ang mga ito sa ganitong paraan. Sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, kung matutuklasan na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga lider at manggagawa, at maagap silang papakitunguhan at haharapin, nakabubuti ito sa pag-usad ng gawain ng iglesia. Ang pangangasiwa sa mga lider at manggagawa ay ang responsabilidad ng mga hinirang ng Diyos, at ganap na umaayon sa mga layunin ng Diyos ang paggawa nito. Dahil nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ang mga lider at manggagawa, kung hindi sila papangasiwaan, hindi lang ito makakasama sa kanila kundi direkta rin nitong maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Sa anong mga sitwasyon hindi na kinakailangan ng mga lider at manggagawa ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos? Ito ay kapag ganap nang nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, pumapasok sa katotohanang realidad, at kumikilos nang may mga prinsipyo, nagiging mga taong ginawang perpekto at ginamit ng Diyos. Sa gayong mga kaso, hindi na kinakailangan ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, at hindi na bibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang usaping ito. Gayumpaman, nakatitiyak ba na ang isang taong ginawang perpekto ng Diyos ay ganap nang malaya sa mga pagkakamali at paglihis? Hindi naman. Kaya naman, kinakailangan pa rin ang pagsisiyasat ng Diyos, gayundin ang pangangasiwa ng mga nakakaunawa sa katotohanan; ang pagsasagawang ito ay ganap na umaayonsa mga layunin ng Diyos. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang lahat ng tao, sa pamamagitan lang ng pangangasiwa ay mahihikayat ang mga lider at manggagawa na akuin ang responsabilidad sa gawain nila at maging tapat sa mga tungkulin nila. Kung walang pangangasiwa, kikilos ang karamihan sa mga lider at manggagawa nang sadyang walang pakundangan, at magpapakita ng pabayang pag-uugali— isa itong obhetibong katunayan. Kung isa kang lider o manggagawa, at madalas kang pinapangasiwaan at pinagmamasdan ng mga kapatid sa paligid mo, sinusubukang unawain kung ikaw ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan o hindi, kung gayon, mabuting bagay ito para sa iyo. Kung may matutuklasan silang problema sa iyo at magagawa mong lutasin ito sa lalong madaling panahon, makakabuti ito sa paghahangad mo sa katotohanan at sa buhay pagpasok mo. Kung matutuklasan ka nilang gumagawa ng kasamaan, at na palihim kang nagpapakita ng maraming masamang pag-uugali, at tiyak na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, ilalantad ka nila at tatanggalin ka mula sa posisyon mo, na mag-aalis sa isang salot para sa mga hinirang ng Diyos, at magbibigay-daan din sa iyo na makaiwas sa mas matinding kaparusahan: Kapaki-pakinabang ang gayong pangangasiwa para sa sinuman. At kaya naman, dapat magkaroon ng tamang tugon ang mga lider at manggagawa sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos. Kung isa kang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mararamdaman mo na kailangan mo ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, at na mas higit pa roon, kailangan mo ang tulong nila. Kung isa kang masamang tao, at may nababagabag kang konsensiya, matatakot kang mapangasiwaan at magtatangka kang iwasan ito; hindi ito maiiwasan. Samakatwid, walang duda na ang lahat ng lumalaban at tumututol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay may itinatago, at tiyak na hindi sila matatapat na tao; walang mas higit pang natatakot sa pangangasiwa kaysa samga mapanlinlang na tao. Kaya, anong saloobin ang dapat panghawakan ng mga lider at manggagawa tungkol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos? Dapat bang ito ay pagiging negatibo, mapagbantay, mapanlaban, at puno ng hinanakit, o dapat bang ito aypagsunod sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at mapagpakumbabang pagtanggap? (Mapagpakumbabang pagtanggap.) Ano ang tinutukoy ng mapagpakumbabang pagtanggap? Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos, paghahanap sa katotohanan, paggamit ng tamang saloobin, at hindi pagiging mainitin ang ulo. Kung talagang may matutuklasang problema sa iyo ang isang tao at ipapaalam ito sa iyo, tutulungan kang makilatis at maunawaan ito, tutulungan kang malutas ang isyung ito, kung gayon, sila ay nagiging responsable para sa iyo, at nagiging responsible para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos; ito ang nararapat na bagay na dapat gawin, at ganap itong likasat may katwiran. Kung may mga tao na ang tingin sa pangangasiwa ng iglesia ay isang bagay na nagmumula kay Satanas, at mula sa mga mapaminsalang layunin, mga diyablo at Satanas sila. Sa gayong maladiyablong kalikasan, tiyak na hindi nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung tunay na mahal ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng tamang pag-unawa sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, magagawa niya itong ituring bilang isang bagay na ginagawa dahil sa pagmamahal, bilang isang bagay na nagmumula sa Diyos, at matatanggap niya ito mula sa Diyos. Tiyak na hindi siya magiging mainitin ang ulo o kikilos nang pabigla-bigla, at lalong hindi lilitaw sa puso niya ang paglaban, pagiging mapagbantay, o paghihinala. Ang pinakatuwid na saloobin na gagamitin para harapin ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay ito: Ang anumang mga salita, kilos, pangangasiwa, pagmamasid, o pagtutuwid—maging pagpupungos—na makakatulong sa iyo, ay dapat mong tanggapin mula sa Diyos; huwag maging mainitin ang ulo. Nagmumula ang pagiging mainitin ang ulo sa kasamaan, mula kay Satanas, hindi ito mula sa Diyos, at hindi ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa katotohanan.
Hanggang dito na lang ang idadagdag at pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, ibig bang sabihin nito ay ganap nang naibahagi ang tungkol sa responsabilidad nang wala nang anumang partikular na nilalaman na idaragdag? Hindi, ang bawat responsabilidad ay mayroon pa ring mas espesipiko at detalyadong nilalaman. Ang ibinahagi Ko ay tungkol sa mga pangkalahatang prinsipyo; ang iba pa, kung paano ipapatupad ang mga espesipikong detalye, at isasagawa at gagamitin ang mga prinsipyong ito, ay nakasalalay sa kusa ninyong pagdanas. Kung hindi pa rin ninyo malinaw na nakikilatis ang mga prinsipyong ito o alam kung paano gamitin ang mga ito, magkonsulta at magbahaginan kayo nang sama-sama. Kung wala pa ring mga resulta mula sa sama-samang pagbabahaginan, magtanong kayo sa mga nakakataas sa inyo. Sa madaling salita, kung may kinalaman man ito sa anumang uri ng tao o sa pagpapasya kung sino ang itataguyod o gagamitin, kailangang sumunod ang lahat ng ito sa mga prinsipyo. Para sa ilang indibidwal na may talento, sa mga sitwasyon kung saan walang sinuman ang lubos na nakakakilatis o nakakaunawa sa kanila, maaari silang paunang itaguyod at gamitin ayon sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia—huwag ipagpaliban ang gawain, at huwag ipagpaliban ang paglilinang sa mga tao; ito ang susi. Nagtatanong ang ilang tao, “Paano kung pumalpak sila sa gawain matapos silang gamitin? Sino ang mananagot?” Kapag ginagamit mo ang isang tao, para ba itong inilalagay mo siya sa isang liblib na isla na walang paraan para makipag-ugnayan ang sinuman sa kanya? Hindi ba’t marami rin talagang iba sa paligid niya ang sangkot sa mga partikular na gampanin? May mga paraan para malutas ang mga usaping ito; gaya ng pangangasiwa, pagmamasid, at pag-unawa sa kanila, at, kung pahihintulutan ng mga kondisyon, sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan. Ano ba mismo ang kalakip ng malapit na pakikipag-ugnayan? Kalakip nito ang pakikipagtulungan sa kanila; ang proseso ng paggawa ay ang proseso ng pag-unawa sa kanila. Hindi ba’t unti-unti mo silang mauunawaan sa pamamagitan ng ganitong uri ng pakikipag-ugnayan? Kung may pagkakataon kang makipag-ugnayan pero hindi mo ginagawa, at tumatawag ka lang sa telepono para magtanong ng ilang bagay at hanggang doon lang iyon, imposible na maunawaan mo sila. Dapat kang makipag-ugnayan sa mga taong kaya mong lapitan para malutas ang mga problema. Samakatwid, hindi dapat maging tamad sa gawain nila ang mga lider at manggagawa. Kaya, kung nais mong pagmasdan at maunawaan ang isang tao, paano mo ito dapat gawin? (Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya.) Tama? Ang susi ay ang isapuso ito! Ang impormasyong kaya ninyong panghawakan sa mga isipan ninyo ay maihahalintulad sa isang unggoy na pumipitas ng mais—pumipitas habang nagpapatuloy, binibitawan ang anumang napipitas, at sa huli, isang uhay na lang ng mais ang natitira, ginagawang walang saysay ang lahat ng pagsisikap. Matapos makinig sa isang sermon, hindi ninyo matandaan ang nilalaman na ibinahagi kamakailan, ano ang dahilan nito? (Hindi namin ito isinasapuso.) Kadalasan ay hindi kayo nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan, kaya hindi nakatuon ang mga puso ninyo sa mga usaping ito. Tungkol sa kung paano maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, kung paano makilala ang sarili ninyo, at kung paano makilatis ang diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay gamit ang katotohanan, wala kayong anumang pagpasok; kaya, walang pundasyon ang mga usaping ito sa puso ninyo. Tungkol naman sa mga bagay na may kinalaman sa pagpasok sa katotohanang realidad, palagi kayong nalilito. Ngayon, dumadalo pa rin kayo sa mga pagtitipon tuwing linggo para makinig sa mga sermon. Kung hindi kayo makikinig sa mga sermon, hindi ba’t kumukupas ang kaunting pananalig sa Diyos sa mga puso ninyo, unti-unting naglalaho? Isa itong mapanganib na senyales! Kaya ba ninyo itong isapuso o hindi? Sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng detalye; kung mayroon ka talagang puso, magagawa mo ito. Kung wala kang puso, kahit paano Ako magsalita, hindi mo ito mauunawaan. Iyan lang ang lahat para sa pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.
Ikawalong Aytem: Iulat at Hanapin Kaagad Kung Paano Lutasin ang mga Kalituhan at Paghihirap na Nararanasan sa Gawain (Unang Bahagi)
Kailangang Tukuyin at Lutasin Kaagad ng mga Lider at Manggagawa ang mga Paghihirap
Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Iulat at hanapin kaagad kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain.” Ilalantad natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider tungkol sa responsabilidad na ito. Nag-uulat at naghahanap kaagad kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain—hindi ba’t bahagi ito ng gawain at mga tungkulin ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Hindi maiiwasang maharap ang mga lider at manggagawa sa ilang matinik na isyu sa gawain nila, o makaranas ng mga paghihirap na lampas sa saklaw ng gawain ng iglesia, o makaranas ng mga espesyal na kaso na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila mababatid kung paano haharapin ang mga sitwasyong ito. O, dahil sa mahina ang kakayahan nila at sa gayon ay hindi nila maarok nang tumpak ang mga prinsipyo, hindi maiiwasang makaranas sila ng ilang kalituhan at paghihirap na mahirap lutasin. Maaaring nauugnay ang mga kalituhan at paghihirap na ito sa mga isyu ng paggamit ng mga tauhan, mga isyung may kinalaman sa gawain, mga problemang nagmumula sa panlabas na kapaligiran, mga isyung may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga tao, mga paggambala at panggugulong dulot ng masasamang tao, pati na rin ang mga isyu ng pagpapaalis o pagpapatalsik sa mga tao, at iba pa. Para sa lahat ng isyung ito, may mga partikular na kahingian at regulasyon ang sambahayan ng Diyos, o may ilang pasalitang tagubilin. Higit pa sa mga partikular na regulasyong ito, may mga hindi maiiwasang espesyal na kaso na hindi nabanggit. Tungkol sa mga espesyal na kasong ito, kayang asikasuhin ng ilang lider ang mga ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, gaya ng pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pagtiyak sa seguridad ng mga kapatid, at pagpapanatili sa maayos na operasyon ng gawain ng iglesia—at, higit pa rito, napakahusay nila itong ginagawa—samantalang nabibigo ang ilang lider na gawin ito. Ano ang dapat gawin sa mga problemang hindi kayang asikasuhin? Gumagawa nang naguguluhan ang ilang lider at manggagawa, hindi nila matukoy ang mga problema, at kahit na matukoy nila, hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Nagraraos lang sila ng gawain nang hindi naghahanap ng mga solusyon mula sa Itaas, sinasabi lang nila sa mga kapatid, “Bahala kayong lutasin ito; umasa kayo sa Diyos at bumaling sa Diyos para sa mga solusyon,” at pagkatapos ay itinuturing nilang maayos na ang lahat. Gaano man karami ang mga isyung nagpapatong-patong, hindi nila kayang lutasin ang mga ito sa sarili nila, pero hindi nila ito iniuulat paitaas o hinahanap kung paano lutasin ang mga ito, marahil ay natatakot sila na makilatis sila ng Itaas at mapahiya sila. Mayroon ding ilang lider at manggagawa na hindi kailanman nag-uulat ng mga problema sa Itaas, at hindi Ko alam kung bakit. Ang pag-uulat paitaas ay hindi naman nangangahulugang direkta sa Itaas; tiyak na puwede munang mag-ulat sa mga lider ng isang distrito o rehiyon. At kung hindi nila ito malulutas, puwede mong hilingin sa mga lider at manggagawa na iulat ito nang direkta sa Itaas. Kung hihilingin mo sa isang lider o manggagawa na iulat ang isang usapin sa Itaas, nililinaw ang sitwasyon, maaari ba nilang itago ito at balewalain ang usapin? Bihira ang gayong mga tao. Kahit na mayroon ngang gayong mga lider, puwede mo pa ring linawin ang usapin sa ibang mga lider at manggagawa para ilantad ang taong nagtatago sa isyu at hindi nag-uulat nito. Kung hindi pa rin iniuulat ng ibang lider at manggagawang ito ang usapin, may isa pang huling paraan: Maaari kang sumulat nang direkta sa website ng sambahayan ng Diyos para maipasa ito sa Itaas, nang sa gayon ay matitiyak na naiulat ang isyu sa Itaas. Ito ay dahil maraming beses nang nag-asikaso ang Itaas ng gayong mga liham noon, at pagkatapos ay direkta Niyang ipinagkatiwala sa mga lider at manggagawa na pangasiwaan ang usapin. Sa katunayan, maraming paraan para maiulat ang isang isyu paitaas; madali itong isagawa, nakasalalay lang ito sa kung talagang gusto ng tao na lutasin ang problema. Kahit na hindi mo pinagkakatiwalaan ang isang partikular na lider o manggagawa, dapat ka pa ring maniwala na matuwid ang Diyos at na namamahala ang Itaas ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos, at hindi ka naniniwala na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, kung gayon ay hindi mo maisasakatuparan ang anumang bagay. Maraming tao ang hindi nauunawaan ang katotohanan; hindi sila naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Lagi nilang iniisip na pinagtatakpan ng lahat ng opisyal sa mundo ang isa’t isa, at na dapat ganoon din ang sambahayan ng Diyos. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang katotohanan at ang katuwiran. Kaya, ang ganitong tao ay maaaring tawagin na hindi mananampalataya. Gayunpaman, may isang minorya ng mga tao na nakapag-uulat ng mga aktuwal na problema. Ang mga ganitong tao ay maaaring tawagin na mga taong nagpoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; sila ay mga responsableng tao. Hindi lamang nabibigo ang ilang lider at manggagawa na lutasin ang malalalang problema kapag nakikita nila ang mga ito; hindi rin nila iniuulat ang mga ito sa paitaas. Nararamdaman lamang nila ang kalubhaan ng isyu kapag sinisiyasat na ito ng Itaas. Inaantala nito ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, hindi mahalaga kung ikaw ba ay isang ordinaryong kapatid, o isang lider o isang manggagawa, sa tuwing may kinakaharap kang isang isyu na hindi mo malutas at tumutukoy sa mas malalaking prinsipyo ng gawain, dapat mo itong iulat paitaas at dapat kang maghanap ng solusyon sa tamang oras. Kung nahaharap ka sa mga kalituhan o paghihirap subalit hindi nilulutas ang mga ito, hindi makakausad ang ilang gawain; kakailanganin itong isantabi at itigil. Maaapektuhan nito ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Samakatuwid, kapag lumitaw ang gayong mga problema na direktang makakaapekto sa pag-usad ng gawain, dapat tuklasin ang mga ito at lutasin nang napapanahon. Kung hindi madaling lutasin ang isang problema, dapat kang humanap ng mga tao na nakakaunawa sa katotohanan at mga taong may kadalubhasaan sa larangan, makipagtalakayan ka sa kanila at imbestigahan at lutasin ang problema nang magkakasama. Ang ganitong uri ng mga problema ay hindi maaaring patagalin! Bawat araw na pinapatagal mo sa paglutas ng mga ito ay isang araw na pagkaantala sa pag-usad ng gawain. Hindi ito paghahadlang sa mga gawain ng iisang tao; naaapektuhan nito ang gawain ng iglesia, gayundin kung paano ginagawa ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin. Kaya, kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng kalituhan o paghihirap, dapat itong malutas kaagad, hindi ito pwedeng ipagpaliban. Kung talagang hindi mo ito malutas, agad mo itong iulat sa Itaas. Direkta itong lalapit para lutasin ito, o sasabihin sa iyo ang landas. Kung hindi kayang pangasiwaan ng isang lider ang ganitong uri ng mga problema, at hindi aaksyunan ang problema sa halip na iulat ito sa Itaas at hingin ang solusyon mula rito, kung gayon ang lider na iyon ay bulag; siya ay talagang mangmang, at wala siyang silbi. Dapat siyang tanggalin at alisin mula sa kanyang posisyon. Kung hindi siya maaalis sa kanyang posisyon, hindi makasusulong ang gawain ng iglesia; mawawasak ito sa kanyang mga kamay. Kaya, dapat agad itong mapangasiwaan.
Ang gawain ng paggawa ng pelikula ay isa ring mahalagang aytem ng gawain para sa sambahayan ng Diyos. Madalas na nakakaranas ng problema ang mga pangkat ng mga gumagawa ng pelikula kung saan may mga hindi pagkakasundo ang lahat tungkol sa iskrip. Halimbawa, naniniwala ang direktor na naiiba o lumilihis ang iskrip mula sa tunay na buhay at magiging hindi makatotohanan kapag isinapelikula, kaya, gusto niyang baguhin ito. Gayumpaman, mariing hindi sumasang-ayon ang iskriprayter, na naniniwalang makatwiran ang pagkakasulat ng iskrip, at iginigiit na dapat kunan ng direktor ang pelikula ayon sa iskrip. May sarili ring mga pagtutol ang mga aktor, hindi sila sumasang-ayon kapwa sa iskriprayter at sa direktor. Sinasabi ng isang aktor, “Kung ipipilit ng direktor na ganoon ang paraan ng pagkuha sa pelikula, hindi ako aarte!” Sinasabi naman ng iskriprayter, “Kung babaguhin ng direktor ang iskrip, kayong lahat ang mananagot kapag nagkaroon ng anumang mga problema!” Sinasabi ng direktor, “Kung susundin ko ang iskrip sa pagkuha ng pelikula at magkakaroon ng mga pagkakamali, ako ang papanagutin ng sambahayan ng Diyos. Kung gusto mong kunan ko ang pelikula, dapat itong gawin batay sa sariling kong pag-iisip; kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Ngayon, talagang hindi nagkakasundo ang tatlong panig, tama? Malinaw na hindi maaaring magpatuloy ang gawain. Hindi ba ito isang kalituhang lumitaw? Kaya, sino ba talaga ang tama? May sariling mga teorya ang lahat sa kanila, sarili nilang mga argumento, at walang handang makipagkompromiso. Kung ganitong hindi nagkakasundo ang tatlong panig, ano ang napipinsala? (Ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Nahahadlangan at napipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakaramdam ba kayo ng pagkabalisa at pag-aalala nang maharap kayo sa gayong mga sitwasyon? Kung hindi, pinapatunayan nito na hindi ninyo talaga ito isinapuso. Kapag lumilitaw ang gayong mga kalituhan at hindi pagkakasundo, nagiging sobrang balisa ang ilang tao na hindi sila makakain o makatulog, iniisip na, “Ano ba ang dapat gawin? Walang patutunguhan ang pagkikipagtalo at hindi pagbibigay-daan tulad nito. Hindi ba’t naaapektuhan nito ang pag-usad ng paggawa ng pelikula? Naantala na ito nang ilang araw at hindi na ito puwedeng ipagpaliban pa. Paano natin malulutas ang problemang ito para matiyak na magiging maayos ang pagkuha ng pelikula at hindi maaantala ang gawain? Kanino tayo dapat lumapit para malutas ang isyung ito?” Kung mayroon kang puso, dapat kang maghanap ng mga solusyon mula sa mga lider, at kung hindi ito malutas ng mga lider, dapat mo itong iulat kaagad sa Itaas. Kung tunay mong isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para malutas ang problema sa lalong madaling panahon; ito ang pinakamahalagang bagay. At kung hindi ka nag-aalala? Maaari mong pagbulayan ito, iniisip na, “Sila ang mali. Paninindigan ko ang pananaw ko—duda akong may magagawa silang anuman sa akin. Kakain at saka iidlip muna ako sandali, wala namang gagawin sa hapon.” Bumibigat ang mga binti mo, nahihilo ka, nawawalan ng sigla ang puso mo, at nagiging tamad ka. May nakatambak na mga problema, pero hindi mo inaasikaso ang mga ito at tamad ka, kaya walang paraan para malutas ang problema. Bakit wala? Dahil wala kang pangganyak at pagnanais na lutasin ito, hindi ka makaisip ng solusyon. Iniisip mo sa sarili mo: “Hindi naman madalas na lumilitaw ang mga paghihirap at napapahinto ang gawain. Gagamitin ko ang pagkakataong ito para magpahinga nang ilang araw at magpahingalay nang kaunti. Bakit kailangang labis na magpakapagod palagi? Kung magpapahinga ako ngayon, walang masasabi tungkol dito ang sinuman. Tutal, hindi naman ako nagpapakatamad o nagpapaka-iresponsable sa gawain ko. Gusto kong maging responsable, pero may nakahadlang sa amin na paghihirap—sino ang lulutas nito? Paano makukunan ang pelikula kung hindi malulutas ang paghihirap na ito? Kung may mga paghihirap na pumipigil sa amin na kunan ang pelikula, hindi ba’t dapat magpahinga na lang muna kami?” Sa gayong malaking isyu sa harap mo, ano ang magiging mga kahihinatnan kung hindi ito malulutas kaagad? Kung patuloy na lilitaw ang mga problema at walang malulutas, patuloy pa bang makakausad ang gawain? Magdudulot ito ng mga malubhang pagkaantala. ayPuwede lang sumulong, hindi umatras, ang pag-usad ng gawain, kaya sa pagkaalam na naghahatid ng mga paghihirap ang problemang ito, hindi ka na dapat magpaliban pa lalo; kailangan mo itong lutasin kaagad. Sa sandaling malutas ang problemang ito, magmadali kang lutasin ang susunod na lilitaw, na sinisikap na huwag mag-aksaya ng oras para makausad nang maayos ang gawain at matapos ito sa itinakdang oras. Ano ang tingin mo rito? (Mabuti ito.) Humaharap ang mga taong may puso sa mga kalituhan at paghihirap nang may ganitong saloobin. Hindi sila nag-aaksaya ng oras, hindi gumagawa ng mga dahilan para sa sarili nila, at hindi nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman. Sa kabilang banda, sasamantalahin ng mga taong walang puso ang mga butas; gagawa sila ng mga dahilan at maghahanap ng mga pagkakataon para makapagpahinga, ginagawa ang lahat ng bagay nang mabagalat nang walang nararamdamang pag-aapura o pagkabalisa, walang anumang pagpapasya na magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga. At pagkatapos ay ano ang mangyayari sa dulo? Kapag nahaharap sa kalituhan o suliranin, hindi sila nagkakasundo sa loob ng maraming araw. Hindi rin iniuulat ng mga direktor, aktor, ni iskriprayter ang isyu. Samantala, ang mga lider ay bulag at hindi nila makilala na isa itong problema; kahit pa nakikilala nila ito bilang isang problema pero hindi nila ito kayang lutasin sa sarili nila, hindi nila ito iniuulat paitaas. Sa sandaling maiulat ito sa bawat antas sa Itaas, sampung araw o kalahating buwan na ang lumipas. Ano ang ginawa sa loob ng sampung araw o kalahating buwang ito? Mayroon bang mga gumagampan ng tungkulin nila? Wala, nagpapalipas lang sila ng oras sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya! Hindi ba’t nakaasalang sila sa iba? Ang lahat ng superbisor na iyon na hindi makahanap kaagad ng mga solusyon sa mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain nila ay nakaasa lang sa iba, nagpapalipas ng mga araw nang walang layunin. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga tamad.” Bakit “mga tamad”? Dahil hindi hinaharap ng mga taong ito ang mga tungkulin nila nang may saloobin ng pagiging seryoso, responsable, mahigpit, o positibo, kundi sa halip, sila ay pabaya, negatibo, at tamad, umaasa lang na magkaroon ng paghihirap o hindi pagkakasundo para magkaroon sila ng dahilan na magsara at tumigil sa paggawa.
Hindi lang dapat lutasin kaagad ng mga lider at manggagawa ang mga kalituhan at paghihirap na nahaharap sa gawain, kundi dapat din nilang suriin at tukuyin kaagad ang mga isyung ito. Bakit dapat itong gawin? Iisa lang ang layon nito: ang pangalagaan ang gawain ng Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, tinitiyak na umuusad nang maayos ang bawat aytem ng gawain at matagumpay itong natatapos sa loob ng normal na nakatakdang iskedyul. Upang matiyak na umuusad nang maayos ang gawain, anong mga isyu ang kailangang lutasin? Una, mahalagang tuluyan na paalisin ang anumang balakid o hadlang na gumugulo sa gawain ng iglesia, na higpitan ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao para pigilan silang magdulot ng problema. Dagdag pa rito, dapat gabayan ang mga superbisor ng bawat aytem ng gawain at ang mga kapatid para maunawaan nila ang katotohanan at makahanap sila ng landas ng pagsasagawa, para matuto silang makipagtulungan nang maayos at mangasiwa sa isa’t isa. Sa ganitong paraan lang masisiguro ang pagtatapos sa gawain. Anuman ang mga paghihirap o kalituhang nararanasan, kung hindi kayang lutasin ng mga lider at superbisor ang mga ito, dapat agad nilang iulat ang mga isyu sa Itaas at agad silang maghanap ng mga solusyon. Anuman ang gawain nila, dapat unahin ng mga lider at superbisor ang paglutas ng mga problema, pagtugon kapwa sa mga teknikal na problema at mga isyu ng prinsipyo sa gawain, pati na rin ang iba’t ibang paghihirap na nararanasan ng mga tao sa buhay pagpasok nila. Kung hindi mo kayang lutasin ang mga kalituhan at paghihirap, hindi mo magagawa nang maayos ang gawain mo. Samakatwid, kapag nahaharap ka sa mga kakaibang paghihirap o kalituhang hindi mo kayang lutasin, dapat mong iulat kaagad ang mga ito sa Itaas. Huwag kang mag-aksaya ng oras, dahil ang pagkaantala ng tatlo hanggang limang araw ay makakapagdulot ng mga kawalan sa gawain, at kung maaantala ito nang kalahati o isang buwan, magiging masyado nang malaki ang mga kawalan. Dagdag pa rito, anuman ang isyu, dapat itong harapin batay sa mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang mangyari, huwag gamitin kailanman ang mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo para lutasin ang mga problema. Huwag gawing maliit ang mga seryosong isyu, at pagkatapos ay balewalain na lang ang maliliit na isyu, o basta lang na pagalitan ang parehong panig na sangkot sa mga isyu at saka patahimikin sila gamit ang isang matamis na bagay, palaging pinipiling makipagkasundo at manghikayat sa kanila, natatakot sa paglaki ang mga isyu. Dahil dito, hindi nalulutas ang pinakaugat ng mga problema, kaya may mga isyung nagtatagal. Hindi ba’t pinagagaan lang nila ang mga isyu nang hindi talaga nilulutas ang mga ito? Kung sa tingin mo ay nagamit mo na ang lahat ng solusyon ng tao para sa isang problema at tunay ngang hindi ito malulutas, at talagang hindi mo mahanap ang mga prinsipyo para sa mga teknikal na isyu sa loob ng gawain, dapat na mabilis mong iulat ang mga isyung ito sa Itaas at maghanap ka ng mga solusyon nang hindi naghihintay o nagpapaliban. Ang anumang problema na hindi malulutas ay dapat na iulat kaagad sa Itaas para makahanap ng solusyon. Ano ang tinginmo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.)
Madalas bang hindi nagkakasundo sa mga isyu sa pagkuha ng pelikula ang mga pangkat ng gumagawa ng pelikula at ng mga iskriprayter? May sariling pangangatwiran ang bawat isa, at hindi nila magawang magkaisa ng pasya, palaging nagpapalitan ng salita. Kaya bang lutasin ng mga lider ang mga isyung ito kapag lumitaw ang mga ito? (Minsan kaya nila.) Nakaranas na ba kayo ng isang sitwasyon kung saan nilutas ng isang lider ang ilang problema sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at ganap itong makatwiran at matatag sa teorya kung papakinggan, pero hindi pa rin kayo sigurado kung alinsunod ito sa mga kahingian ng sambahayan ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo? (Oo.) Paano ninyo hinarap ang gayong mga sitwasyon? (Humihingi kami ng tulong minsan sa Itaas.) Iyan ang tamang pagharap. Nakaranas na ba kayo ng sitwasyon kung saan nagpasya kayong hindi magtanong tungkol sa isang isyu dahil nakita ninyong masyadong abala ang Itaas na Brother, at inakala ninyo na ayos lang ito basta’t tama naman sa teorya ang usapin, at kaya nagpasya kayong ituloy muna ang pagkuha sa pelikula na hindi alintana kung sumusunod ito sa katotohanan o hindi? (Nagkaroon kami ng mga seryosong isyu sa ganitong bagay noon. Dahil dito, kinailangan naming gawing muli ang mga bagay-bagay at nagdulot ito ng mga paggambala at panggugulo sa gawain.) Malubha ang sitwasyong iyon! Marami sa mga problemang nararanasan ng mga pangkat ng mga gumagawa ng pelikula ang talagang responsabilidad ng pangkat ng mga iskriprayter sa huli. Halimbawa, kung nagiging paligoy-ligoy lang ang kuwento ng pelikula sa loob ng dalawa’t kalahating oras, ang mga iskriprayter ang pangunahing responsable rito. Ngunit paano naman ang responsabilidad ng mga direktor? Kung paikot-ikot ang iskrip, dapat bang makita ito ng mga direktor? Sa teorya, dapat makita nila ito. Subalit, maaari pa ring gumugol ang mga direktor ng ilang buwan at gumamit ng maraming lakas-tao, mga materyal na mapagkukunan, at pananalapi para tapusin ang paggawa ng pelikula sa ilalim ng gayong mga sitwasyon. Anong uri ng problema ito? Bilang mga direktor, ano ang responsabilidad ninyo? Pagkatanggap ng isang script, dapat ninyong isipin, “Mahaba at napakarami ng nilalaman ang iskrip na ito, pero wala itong buod, isang tema; walang kaluluwa ang buong istruktura nito. Hindi pwedeng kunan ng pelikula ang iskrip na ito; dapat itong isauli sa mga iskriprayter para rebisahin nila.” Kaya ba ninyong gawin ito? Nakapagsauli na ba kayo ng isang iskrip? (Hindi pa.) Ito ba ay dahil hindi ninyo makita ang mga isyu, o dahil natatakot kayong isauli ito? O natatakot ba kayo na may manghusga sa inyo, sasabihin, “Ibinigay nila sa iyo itong natapos na iskrip at tinanggihan mo naman ito kaagad nang dahil sa isang salita lang, ibinabalik mo ito—masyado kang mayabang, hindi ba?” Ano ba talaga ang kinatatakutan ninyo? Nakikita ninyo ang problema, kaya bakit hindi ninyo ibalik ang iskrip sa mga iskriprayter? (Hindi kami responsable sa gawain namin ng paggawa ng pelikula.) Para sa mga pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, bukod sa mga lider ng iglesia, dapat kumilos ang mga direktor bilang mga superbisor, ang mga nagdedesisyon at may huling salita. Dahil ikaw ang direktor, dapat mong akuin ang buong responsabilidad sa usaping ito, maingat na sinusuri ang iskrip mula sa sandaling matanggap mo ito. Sabihin nating nakatanggap ka ng iskrip at sinuri mo ito mula umpisa hanggang dulo, at nakita mong talagang maganda ang nilalaman nito. Mayroon itong buod at tema, umiikot ang kuwento sa pangunahing linya ng kuwento, at lumalabas na walang malalaking isyu ang buong iskrip—mukha itong maganda, karapat-dapat kunan ng pelikula, at kaya naman, puwedeng tanggapin ang iskrip. Gayumpaman, kung mahaba ang script, nagsasalaysay ng kuwento ng isang tao mula simula hanggang dulo nang walang pokus o kapansin-pansing tema, iniiwang hindi malinaw kung ano ang nilalayong ipahayag ng script, kung ano ang nilalayon nitong makamit sa mga manonood, o kung ano ang pangunahing ideya at espirituwal na kahulugan nito—isa lang itong paligoy-ligoy at magulong iskrip—matatanggap ba ang ganitong iskrip? Ano ang dapat gawin ng mga direktor sa gayong sitwasyon? Dapat nilang isauli ang iskrip at magsuhestiyon sila para sa pagrerebisa ng mga iskriprayter. Maaaring magreklamo ang mga tao mula sa pangkat ng mga iskriprayter, sinasabi, “Hindi patas ito! Sino sila para suriin ang iskrip na isinulat namin? Bakit sila ang nagpapasya? Dapat tratuhin ng sambahayan ng Diyos ang mga tao nang patas at makatwiran!” Ano ang dapat gawin kung gayon? Kung matutukoy ng mga direktor ang mga isyu sa script, hindi sila dapat magmadaling magdesisyon kundi dapat makipagbahaginan muna sila sa mga lider ng iglesia at mga miyembro ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula tungkol sa usapin. Kung nagkakaisa ang lahat sa palagay nila na hindi pasok sa pamantayan ang isang iskrip batay sa mga nakaraang taon nila ng karanasan sa paggawa ng pelikula at sa pagkaunawa sa mga iskrip, at naniniwala sila na kung isasapelikula ito ay hindi lang nito maaantala ang gawain ng paggawa ng pelikula kundi maaaksaya rin ang lahat ng tao, materyal, at pinansyal na mapagkukunan, at walang sinuman ang kayang pumasan ng gayong responsabilidad, kung gayon, dapat isauli ang iskrip na ito. Hindi talaga dapat isapelikula ang isang paligoy-ligoy na iskrip; ito ay isang prinsipyo. Kung pare-pareho ang nararamdaman ng lahat tungkol sa iskrip, kailangang tanggapin ito ng mga iskriprayter nang walang kondisyon at irebisa ang iskrip ayon sa mga suhestiyon mula sa pangkat ng mga gumagawa ng pelikula. Kung mayroon pa ring mga hindi pagkakasundo, puwedeng sama-samang makipagdebate ang mga miyembro at lider ng magkabilang panig para makita kung kaninong mga argumento ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mauuwi sa tabla ang magkabilang panig at walang mararating na kongklusyon, dapat gamitin ang huling paraan, at ito ang ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa na pinagbahaginan ngayon: “Iulat at hanapin kaagad kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain.” Ang mga isyung hindi umuusad at hindi kayang lutasin ay tinatawag na mga kalituhan at paghihirap. Iniisip ng bawat panig na tama ang pangangatwiran nila, at walang makakagawa ng desisyon. Nagpapagulo sa isyu ang ganitong palitan ng opinyon, nagpapalabo sa pang-unawa ng lahat tungkol sa buong detalye ng isyu at sa direksyong dapat tahakin. Sa puntong ito, dapat akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad nilang agad na mag-ulat at maghanap ng mga solusyon sa mga isyu at kalituhang ito na lumilitaw sa gawain, nagsisikap na malutas kaagad ang mga ito para hindi mahadlangan ang pag-usad ng gawain, at higit pa rito, para hindi na lalo pang dumami ang mga ito. Ang agarang pag-uulat at paghahanap kung paano lutasin ang mga isyung ito—hindi ba ito paggawa ng gawain? Hindi ba ito pagpapakita ng isang seryoso at responsableng saloobin sa gawain? Hindi ba ito pagsasapuso sa paggampan ng tungkulin? Hindi ba ito pagiging tapat? (Oo.) Pagkakaroon ito ng katapatan sa tungkulin.
Dapat na mapansin at malutas kaagad ng mga lider at manggagawang nangangasiwa ng gawain ang anumang problemang lumilitaw sa gawain, sapagkat tanging sa paggawa nito ay matitiyak ang maayos na pag-usad ng gawain. Ang lahat ng lider at manggagawa na hindi kayang lumutas ng mga problema ay walang katotohanang realidad at mga huwad na lider at manggagawa. Ang sinumang nakakatuklas ng mga isyu pero nabibigong lutasin ang mga ito, sa halip ay iniiwasan o pinagtatakpan niya ang mga ito, ay isang walang kwentang tao na sumisira lang sa gawain. Kailangang malutas ang mga isyung pinagtatalunan sa pamamagitan ng pagbabahaginan at debate. Kung hindi nagbubunga ng mga wastong resulta ang mga ito pero sa halip ay lalo pang pinapalabo ang sitwasyon, kung gayon, dapat ay personal na mangasiwa ang pangunahing lider sa pagharap sa usapin, kaagad na nagmumungkahi ng mga solusyon at pamamaraan habang maagap din na nagmamasid, umuunawa, at naghuhusga para makita kung ano ang magiging kalalabasan ng sitwasyon. Kapag nagpapatuloy pa rin ang hindi pagkakasundo tungkol sa isang problema at walang desisyong maaabot, dapat maiulat kaagad ang isyu sa Itaas para makahanap ng solusyon, sa halip na pagaanin lang ang isyu, naghihintay, o nagpapaliban, at lalong sa halip na balewalain lang ang isyu. Ganito ba ginagawa ng mga kasalukuyan ninyong lider at manggagawa ang gawain? Dapat maagap nilang sinusubaybayan at isinusulong ang pag-usad ng gawain, at kasabay nito ay tinutukoy nila ang iba’t ibang alitang lumilitaw sa gawain habang hindi kinakaligtaan ang iba’t ibang maliit na isyu. Kapag natukoy ang malalaking problema, dapat naroon ang mga pangunahing lider at manggagawa para sumali sa paglutas sa mga ito, tumpak na inuunawa ang buong detalye ng isyu, ang dahilan kung bakit lumitaw ang problema, at ang mga perspektiba ng mga kasangkot, upang tumpak na maarok kung ano talaga ang nangyayari. Kasabay nito, dapat silang sumali sa pagbabahaginan, pakikipagdebate, at maging sa pakikipagtalo tungkol sa mga isyung ito. Kinakailangan ito; napakahalaga ng pakikilahok, dahil nakakatulong ito sa iyo na gumawa ng mga panghuhusga at lumutas sa mga problema na lumilitaw sa gawain. Kung makikinig ka lang nang walang pakikilahok, palaging nakatayo sa gilid nang nakahalukipkip at umaasta na parang isang taong nakikiupo sa isang klase, iniisip na walang kinalaman sa iyo ang anumang problemang lumilitaw sa gawain, at wala kang anumang partikular na pananaw o saloobin tungkol sa usapin, kung gayon, malinaw na isa kang huwad na lider. Kapag nakikilahok ka, detalyado mong malalaman kung ano talaga ang mga problemang lumitaw sa gawain, kung ano ang sanhi ng mga ito, kung sino ang responsable, kung saan nakapaloob ang pangunahing isyu, at kung dahil ba ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao o sa kakulangan nila ng teknikal at propesyonal na kaalaman—lahat ng ito ay dapat na linawin para mapangasiwaan at masolusyunan nang patas ang mga problema. Kapag nakikilahok ka sa gawaing ito at natuklasan mo na ang mga problema ay hindi likha ng tao o sadyang ginawa ng sinuman, pero nahihirapan kang tukuyin ang diwa ng isyu at hindi mo alam kung paano lutasin ito, sapagkat matagal nang nagtatalo tungkol dito ang magkabilang panig, o kapag inilaan na ng lahat ang puso at pagsisikap nila sa isang problema pero hindi pa rin nila ito malutas, at hindi sila makahanap ng mga prinsipyo o makahanap ng isang direksyon, na nagdudulot ng paghinto sa gawain, at natatakot din sila na magdudulot ng mas maraming pagkakamali, pagkagambala, at negatibong kahihinatnan kung magpapatuloy sila, kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Ang pinakanararapat na gawin ng mga lider at manggagawa ay hindi ang magtalakay ng mga hakbangin o solusyon kasama ang lahat, kundi sa halip, dapat nilang iulat ang isyu sa Itaas sa lalong madaling panahon. Dapat ibuod at itala ng mga lider at manggagawa ang mga problema sa gawain iulat at ang mga ito kaagad sa Itaas nang hindi nagpapaliban, naghihintay, o nagkikimkim ng pag-iisip na umaasa sa suwerte, iniisip na baka ang isang gabi ng tulog ay maghahatid ng inspirasyon o biglaang kalinawan—isang bihirang kaganapan na malamang ay hindi mangyayari. Kaya, ang pinakamainam na solusyon ay ang iulat kaagad sa Itaas ang isyu at humanap ng solusyon sa lalong madaling panahon, tinitiyak na ang isyu ay nalulutas kaagad at sa lalong madaling panahon; ito ay tunay na paggampan ng gawain.
Mga Kalituhan at Paghihirap na Madalas na Nararanasan ng mga Lider at Manggagawa sa Gawain Nila
I. Mga Kalituhan
Batay sa nilalaman na katatalakay pa lang natin, ibuod natin kung ano mismo ang ibig sabihin ng “mga kalituhan” at “mga suliranin.” Hindi magkapareho ang dalawang ito. Una, ipapaliwanag Ko ang terminong “kalituhan.” Ang kalituhan ay kapag hindi mo makilatis ang isang usapin; hindi mo alam kung paano humusga o kumilatis nang naaayon sa mga prinsipyo o nang tumpak. Kahit na medyo nakikilatis mo ito, hindi ka sigurado kung tama ba ang iyong pananaw, hindi mo alam kung paano pangasiwaan o lutasin ang usapin, at mahirap para sa iyo na makabuo ng kongklusyon tungkol dito. Sa madaling salita, hindi ka nakakasiguro tungkol dito at hindi ka makapagdesisyon. Kung hindi mo nauunawaan kahit kaunti ang katotohanan at walang ibang makakalutas ng problema, ito ay nagiging isang problemang hindi kayang lutasin. Hindi ba’t ito ay pagharap sa isang mahirap na hamon? Kapag nahaharap sa mga gayong problema, dapat na iulat ito sa Itaas ng mga lider at manggagawa at dapat silang maghanap mula sa Itaas upang mas mabilis na malutas ang mga isyu. Madalas ba kayong maharap sa mga kalituhan? (Oo.) Problema na mismo ang regular na pagharap sa mga kalituhan. Sabihin nating nahaharap ka sa isang isyu at hindi mo alam ang tamang paraan para harapin ito. May isang tao na nagmumungkahi ng solusyon na sa tingin mo ay makatwiran, samantalang may isa pang tao na nagmumungkahi ng ibang solusyon na sa tingin mo ay makatwiran din, at kung hindi mo malinaw na makita kung alin ang mas angkop na solusyon, at iba-iba ang opinyon ng lahat at walang nakakaarok sa ugat o diwa ng problema, siguradong magkakaroon ng pagkakamali sa pagresolba ng isyu. Kaya, upang maresolba ang isang problema, napakahalaga at napakaimportante na matukoy ang ugat at diwa nito. Kung hindi mapagkilatis ang mga lider at manggagawa, kung hindi nila naaarok ang diwa ng problema, at hindi sila makabuo ng tamang kongklusyon, dapat agad nilang iulat ang isyu sa Itaas at humingi ng solusyon; ito ay kinakailangan at hindi labis na reaksyon. Ang mga hindi nalutas na problema ay maaaring magdulot ng malulubhang kahihinatnan at makaaapekto sa gawain ng iglesia—dapat na lubos itong maunawaan. Kung puno ka ng pangamba, laging natatakot na baka makilatis ng Itaas ang tunay mong kakayahan, o na baka baguhin nila ang iyong tungkulin o tanggalin ka kapag nakilatis nila na hindi mo kayang gumawa ng totoong gawain, at kaya hindi ka naglalakas-loob na iulat ang isyu, madali itong makaaantala sa mga usapin. Kung nakakaranas ka ng mga kalituhan na hindi mo kayang lutasin nang mag-isa, pero hindi mo ito inuulat sa Itaas, kapag nagdulot ito ng malulubhang kahihinatnan at pananagutin ka ng Itaas, mahaharap ka sa malaking gulo. Hindi ba’t sarili mo lang ang dapat mong sisihin dito? Kapag naharap sa mga gayong kalituhan, kung ang mga lider at manggagawa ay hindi responsable at nagsasabi lang ng ilang doktrina o gumagamit ng ilang regulasyon para pabasta-bastang ayusin ang isyu, mananatiling hindi nalulutas ang isyu at walang pag-usad ang mga bagay-bagay. Ito mismo ang nangyayari kapag hindi nalulutas ang mga kalituhan; madali itong nagdudulot ng mga pagkaantala.
Kapag lumilitaw ang mga kalituhan, may ilang lider at manggagawa na nakakaramdam na may nangyaring problema, samantalang ang iba naman ay hindi magawang tukuyin ang isyu—may lubhang mahinang kakayahan, manhid, at mapurol ang isip ng mga nasa pangalawang grupo; wala silang kakayahang makaramdam sa anumang problema. Kahit gaano kalaki ang kalituhang lumilitaw, ang ipinapakita nila ay pagiging manhid at mapurol ang isip; binabalewala nila ang isyu at sinusubukang iwasan ang problema—ito ay hindi pakikibahagi ng mga huwad na lider sa tunay na gawain. Iyong mga lider at manggagawa na may sapat na kakayahan at abilidad sa gawain ay nakakapagtanto kapag lumilitaw ang mga gayong sitwasyon: “Isa itong problema. Kailangan kong itala ito. Hindi kailanman binanggit ng Itaas ang ganitong uri ng isyu dati, at ito ang unang pagkakataon na maharap kami sa ganito, kaya ano nga ba mismo ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa ganitong uri ng sitwasyon? Paano dapat lutasin ang ganitong partikular na isyu? Para bang mayroon akong kutob pero hindi ito malinaw, at mayroon akong kaunting saloobin ukol sa gayong mga usapin, pero hindi sapat ang bastang may saloobin lang; mahalagang hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Kailangan nating ilabas ang usaping ito para mapagbahaginan at mapag-usapan ng lahat.” Pagkatapos ng ilang panahon ng pagbabahaginan at talakayan, kung hindi pa rin nila alam kung paano magpatuloy, nang walang tumpak na plano ng pagsasagawa para lutasin ang isyu, at nagpapatuloy pa rin ang kalituhan, kung gayon, kailangang nilang maghanap ng solusyon mula sa Itaas. Sa puntong ito, responsabilidad ng mga lider at manggagawa na itala ang mga parteng nakakalito tungkol sa problema, upang pagdating ng panahon, malinaw nilang maipapaliwanag kung ano mismo ang problema sa kalituhan at kung ano mismo ang hinahanap nila. Ito ang dapat gawin ng ng mga lider at manggagawa.
II. Mga Paghihirap
A. Ano ang mga Paghihirap
Susunod, tingnan natin ang terminong “mga paghihirap.” Mula sa literal na perspektiba, mas matindi ang mga paghihirap kaysa sa mga kalituhan. Kaya, ano ba mismo ang tinutukoy ng mga paghihirap? May makakapagpaliwanag ba? (Diyos ko, ang pagkaunawa namin ay na ang mga paghihirap ay ang mga aktuwal na problemang nararanasan, na kung saan sinubukan nang lutasin ang isa pero hindi pa rin ito malutas; ang mga ito ang itinuturing na mga paghihirap.) (Dagdag pa rito, minsan ay maaaring makaranas ang ilan ng mga napakamasalimuot na problema na hindi pa nararanasan noon, kung saan ang lahat ay walang karanasan, lubusang nalilito, at walang mga opinyon o ideya—ang mga ito ay isang uri ng mga napakamapanghamong problema.) Ang mga napakamapanghamong problema ay tinatawag na mga paghihirap, tama ba? Ang pinakasimple, pinakadirektang paliwanag sa mga paghihirap ay na ang mga ito ay mga problemang aktuwal na umiiral. Halimbawa, ang kakayahan ng isang tao, mga propesyonal na kasanayan, pisikal na karamdaman, pati na ang mga isyung pangkapaligiran at pampanahon, at iba pa—ang mga aktuwal na umiiral na problemang ito ay tinatawag na mga paghihirap. Gayumpaman, ang ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa na pinagbabahaginan natin ngayon ay na dapat nilang iulat at hanapin kaagad kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain. Ang mga paghihirap na tinutukoy rito ay hindi iyong mga malawakang tinutukoy na mga problemang aktuwal na umiiral, kundi mga partikular na masalimuot na isyung nararanasan sa gawain na hindi kayang pangasiwaan. Anong klaseng mga problema ang mga ito? Ang mga ito ay mga ugnayang panlabas na hindi partikular na nauugnay sa mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t hindi kaugnay sa mga katotohanang prinsipyo ang mga isyung ito, mas masalimuot ang mga ito kaysa sa mga karaniwang problema. Paanong mas masalimuot ang mga ito? Halimbawa, may kinalaman ang mga ito sa mga legal at pampamahalaang regulasyon , o nauukol sa seguridad ng ilang tao sa loob ng iglesia, at iba pa. Ang mga ito ay pawang mga paghihirap na nararanasan ng mga lider at manggagawa sa gawain nila. Halimbawa, sa pananampalataya sa Diyos sa ibang bansa, kahit saang bansa man manirahan ang isang tao, ang lahat ng gawain ng iglesia at mga sitwasyon ng pamumuhay ng mga kapatid ay kailangang sumunod sa mga regulasyon ng lokal na pamahalaan at nangangailangan ng pagkaunawa sa mga lokal na batas at patakaran. May kinalaman ang mga usaping ito sa pakikipag-ugnayan sa mundo sa labas at pakikitungo sa mga ugnayang panlabas; Medyo mas masalimuot ang mga ito kumpara sa mga isyu ng mga tauhan sa loob ng iglesia. Saan matatagpuan ang kasalimuotang ito? Hindi ito kasinsimple ng pagsasabi lang sa mga tao sa iglesia na magpasakop sa Diyos, maging masunurin, isagawa ang katotohanan, tapat na gampanan ang tungkulin, at unawain ang katotohanan at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo—ang pagsasabi lang ng mga bagay na ito ay hindi makakalutas sa mga problema. Sa halip, nangangailangan ito ng pag-unawa sa bawat aspekto ng mga batas, patakaran, at regulasyon ng bansa, at sa mga lokal na kaugalian at tradisyon, bukod sa iba pa. Maraming salik ang kaugnay sa mga ugnayang panlabas na ito, at karaniwang lumilitaw ang mga hindi inaasahang isyu o ang mga isyung mahirap tugunan gamit ang mga prinsipyo ng iglesia, at nabubuo ang mga paghihirap dahil sa paglitaw ng mga isyung ito. Halimbawa, sa loob ng iglesia, kung pabayang ginagampanan ng ilang tao ang mga tungkulin nila, maaaring lutasin ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, pagpupungos, o pagbibigay ng tulong at suporta. Pero sa panlabas, magagamit mo ba ang mga prinsipyo at pamamaraang ito para pangasiwaan ang mga usapin? Malulutas ba ng diskarteng ito ang gayong mga problema? (Hindi.) Ano ang dapat gawin kung gayon? Dapat na gumamit ng ilang matalinong pamamaraan para pangasiwaan at tugunan ang gayong mga isyu. Sa proseso ng pagharap sa mga ugnayang panlabas na ito, naglatag din ang sambahayan ng Diyos ng ilang prinsipyo, subalit, paano man ipinaliliwanag ang mga ito, madalas pa ring lumilitaw ang iba’t ibang uri ng mga paghihirap. Dahil ang mundong ito, ang lipunang ito, at ang sangkatauhang ito ay masyadong madilim at masalimuot, at dahil sa panggugulo ng masasamang puwersa ng malaking pulang dragon, kapag hinaharap ang mga ugnayang panlabas ito, magkakaroon ng ilang hindi inaasahan at karagdagang paghihirap. Kapag lumilitaw ang mga paghihirap na ito, kung bibigyan lang kayo ng isang simpleng prinsipyo, na nagsasabi, “Magpasakop lang sa mga pagsasaayos ng Diyos; pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat, huwag na lang pansinin ang problema,” malulutas ba nito ang isyu? (Hindi.) Kung hindi malulutas ang problema, ang mangyayari ay magugulo, maaabala, at masisira ang kapaligiran kung saan ginagampanan ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, pati na rin ang sitwasyon nila ng pamumuhay. Hindi ba’t humahantong ito sa pag-usbong ng mga paghihirap? Ano ang dapat gawin kung gayon? Matutugunan ba ito sa pagiging mainitin ang ulo? Maliwanag na hindi. Sinasabi ng ilan, “Kung gayon, puwede ba natin itong lutasin sa legal na pamamaraan?” Maraming bagay ang hindi malulutas ng batas. Halimbawa, sa mga lugar kung saan nanghihimasok at nangingialam ang malaking pulang dragon, malulutas ba ng batas ang mga isyu? Walang anumang epekto ang batas doon. Sa maraming lugar, madalas na nahihigitan ng kapangyarihan ng tao ang batas, kaya huwag umasa na malulutas ang mga problema sa pagtitiwala sa batas. Hindi rin angkop ang paggamit ng pamamaraan ng tao o pagkamainitin ng ulo para lutasin ang mga ito. Ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa gayong mga sitwasyon? Kaya bang lutasin ng mga marunong lang maglitanya ng mga salita at doktrina ang mga problemang ito kapag lumitaw na? Hindi ba’t mga masalimuot na isyu ang mga ito? Sa tingin mo ba ay gagana ang pagkuha ng abogado at pagpunta sa korte para lutasin ang mga ito? Nauunawaan ba ng mga taong iyon ang katotohanan? Wala nang lugar sa mundo para sa pangangatwiran; maging ang mga hukom sa isang bansang mahigpit sa batas ay hindi palaging kumikilos ayon sa batas. Sa halip, inaakma nila ang kanilang hatol batay sa kung sino ang sangkot, kaya’t nawawalan ng katarungan. Sa mundong ito, kahit saan, umaasa ang mga tao sa puwersa, sa kapangyarihan, para palakasin ang pananalita nila. Kaya, ano ang dapat nating asahan, tayong mga nananampalataya sa Diyos? Dapat nating tratuhin ang mga tao at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, ayon sa katotohanan. Pero makakapagpatuloy ba nang maayos ang lahat para sa atin sa mundong ito kung aasa tayo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Hindi, hindi ito makakapagpatuloy; kailangan nito ng karunungan. Samakatwid, kapag nahaharap ang mga lider at manggagawa sa gayong mga isyu, kung pakiramdam nila ay napakahalaga ng usaping ito at natatakot silang baka hindi nila ito mapangasiwaan nang tama, at sa gayon ay maghahatid ito ng problema sa sambahayan ng Diyos, na magdudulot ng mga hindi kanais-nais na epekto o kahihinatnan, kung gayon, ang gayong mga isyu ay mga paghihirap para sa kanila. Kapag nakakaranas ng mga paghihirap na hindi nila kayang lutasin, dapat nilang iulat kaagad ang mga ito sa Itaas at maghanap sila ng mga angkop na pamamaraan para lutasin ang mga isyu; ito ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa.
B. Ang Mga Tamang Pananaw at Saloobin na Dapat Taglayin Kapag Nakakaranas ng mga Paghihirap
Ang kailangan Kong ipaliwanag sa inyo rito ay hindi lang nakadirekta sa mga lider at manggagawa, kundi sa lahat din ng naririto—ito ay isang napakahalagang prinsipyo. Saanman kayo nagsasagawa ng gawain ng iglesia, gumagampan ng mga tungkulin ninyo, o nangangaral ng ebanghelyo, palaging mayroong mga pagsubok. Kahit puno ng mga paghihirap ang sariling gawain ng Diyos—napansin ba ninyong lahat ang katunayang ito? Bagama’t maaaring hindi ninyo alam o malinaw na nauunawaan ang mga detalye, batid ninyong lahat ang mga pangkalahatang sitwasyon. Hindi madali ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, kaya dapat maging handa kayong lahat sa isipan at makilala ninyo ito. Nakalatag dito ang nakatakdang katunayang ito, kaya anong pinakamarapat, pinakamakatwiran, at pinakawastong saloobin ang dapat nating gamitin para sa mga ganitong bagay? Tama bang maging mahiyain at matatakutin sa loob natin? (Hindi.) Dahil hindi tama ang pagiging mahiyain at matatakutin, tama bang taglayin ang saloobin at pananaw na hindi ninyo kinatatakutan ang langit o lupa, na kayo ay mga kaaway ng buong mundo, na lumalaban kayo sa buong mundo hanggang dulo, at kumokontra kayo sa agos? (Hindi.) Ito ba ang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao o pagkamainitin ng ulo? Ang mga maling pananaw na ito ay pawang pagsasalamin ng pagkamainitin ng ulo, hindi ng tunay na pananalig. Kung gayon, anong uri ng mga pananaw at saloobin ang tama? Hayaan ninyong ilista Ko ang ilan para sa inyo. Ito ang unang pananaw na dapat taglayin ng mga tao: Sa ibang bansa man o sa Tsina, ang buong-pusong paggugol ng sarili nila para sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin nila ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng lahat ng sangkatauhan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang paggampan natin ng tungkulin ay bukas at matapat, hindi patago, dahil ang ginagawa natin ngayon ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng sangkatauhan. Ano ang tinutukoy nitong “makatarungan”? Tumutukoy ito sa katotohanan, sa kalooban ng Diyos, sa mga pagsasaayos at atas ng Lumikha; ganap itong nakahihigit sa mga moralidad, etika, at batas ng tao, at isang layuning isinasakatuparan sa ilalim ng pamumuno at pangangalaga ng Lumikha. Hindi ba ito ang pinakawastong pananaw? Sa isang banda, ang pananaw na ito ay isang tunay na umiiral na katunayan; sa kabilang banda, ito rin ang pinakawastong pagkilala sa tungkuling ginagampanan ng isang tao. Ito ang ikalawang pananaw na dapat taglayin ng mga tao: Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pangyayari. Lahat, kabilang ang mga pinuno ng mundo at anumang kapangyarihan, relihiyon, organisasyon, at etnisidad sa mundo ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos—walang sinuman ang may kontrol sa sarili niyang tadhana. Hindi tayo naiiba; ang kapalaran natin ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagpabago sa direksyon kung saan tayo pupunta o kung saan tayo mananatili, ni sinuman ang makakapagpabago ng hinaharap at hantungan natin. Tulad ng sinasabi sa Bibliya, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Lalo na ang tadhana nating mga hamak na tao! Ang panuntunan at sistema ng pinuno ng bansang tinitirhan natin, pati na rin ang sitwasyon ng pamumuhay sa bansang ito, ang mga ito man ay nagbabanta, mapanlaban, o palakaibigan sa atin—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala tayong dapat ipag-alala o ikabahala. Ito ang pananaw na dapat panghawakan ng mga tao at ang kabatirang dapat mayroon sila, pati na rin ang katotohanang dapat nilang taglayin at unawain. At ito naman ang ikatlong pananaw, na siyempre ang pinakamahalaga rin: Kahit saan man tayo manirahan, sa alinmang bansa, at anuman ang mga abilidad o kakayahan natin, isang parte lang tayo ng masa ng mga hamak na nilikha. Ang tanging responsabilidad at tungkulin na dapat nating tuparin ay ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pamamatnugot ng Lumikha; wala nang iba, ganoon lang iyon kasimple. Bagama’t kasalukuyan tayong nasa isang malayang bansa at isang malayang kapaligiran, kung isang araw ay magtatayo ang Diyos ng isang mapanlabang puwersa para usigin at pinsalain tayo, dapat ay wala tayong anumang mga reklamo. Bakit hindi tayo dapat magreklamo? Dahil matagal na tayong inihanda; ang obligasyon, responsabilidad, at tungkulin natin ay ang magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, sa lahat ng pinamamatnugutan ng Diyos. Ang pagpapasakop bang ito ang katotohanan? Ito ba ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao? (Oo.) Kung isang araw, kokontra laban sa atin ang lahat ng sangkatauhan at ang buong kapaligiran, at haharap tayo sa kamatayan, dapat ba tayong magreklamo? (Hindi dapat.) Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t dinala tayo ng Diyos sa ibang bansa para hindi na tayo magdurusa sa malupit na pang-uusig ni Satanas? Hindi ba’t ito ay para malaya nating magagampanan ang mga tungkulin natin at malalanghap ang hangin ng kalayaan? Kung gayon, bakit nilalayon pa rin ng Diyos na harapin natin ang kamatayan?” Hindi tama ang mga salitang ito. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ay isang saloobin, ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha.
May isa pang pinakamahalagang punto na dapat mapagtanto ng mga tao: Bagama’t medyo matatag at malaya sa ibang bansa, mahirap pa ring maiwasan ang madalas na pang-aabala ng malaking pulang dragon. Sa harap ng pang-aabala ng malaking pulang dragon, nag-aalala ang ilang tao, “Masyadong malakas ang kapangyarihan ng malaking pulang dragon. Kaya nitong suhulan ang mga makapangyarihang tao sa buong mundo para magserbisyo rito, para magtrabaho sa ngalan nito. Kaya, kahit tumakas tayo sa ibang bansa, nasa panganib pa rin tayo, nasa bingit pa rin ng kapahamakan! Ano ang magagawa natin?” Sa bawat pagkakataong naririnig ang ganitong mga balita, nag-aalala at natatakot ang ilan, gusto nang makipagkompromiso at tumakas, hindi alam kung saan sila dapat magtago. Sa tuwing nangyayari ito, iniisip ng ilan, “Napakalawak ng mundo, pero walang lugar para sa akin! Sa ilalim ng kapangyarihan ng malaking pulang dragon, nagdurusa ako sa pang-uusig nito, at kahit pa labas ng saklaw ng awtoridad nito, bakit ginugulo pa rin ako nito? Masyadong malawak ang kapangyarihan ng malaking pulang dragon; kahit tumakas ako hanggang sa dulo ng mundo, bakit nagagawa pa rin nitong hanapin ako?” Hindi maiwasan ng mga tao na matakot at maging hindi sigurado kung ano ang dapat gawin. Pagpapamalas ba ito ng pagkakaroon ng pananalig? Ano ang problema rito? (Kawalan ng pananalig sa Diyos.) Kawalan lang ba ito ng pananalig sa Diyos? Pakiramdam ba ninyo, sa kaibuturan ninyo, na mas mababa kayo kaysa sa iba? Pakiramdam ba ninyo ay medyo malihim kayo, tulad ng isang magnanakaw, sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at sa paggampan ng tungkulin ninyo sa iglesia? Pakiramdam ba ninyo ay medyo mas mababa kayo kaysa sa mga taong nasa mundo ng relihiyon? “Tingnan ninyo ang kapangyarihan nila; mayroon silang mga opisyal na pastor at mga engrandeng katedral na kinikilala ng estado, napakarangya! Mayroon silang mga choir at mga negosyo sa iba’t ibang bansa. Pero tingnan ninyo tayo, palaging inaapi, itinatakwil tayo saan man tayo magpunta—bakit naiiba tayo sa kanila? Bakit hindi tayo puwedeng magtapat tungkol dito saan man tayo magpunta? Bakit kailangan nating mamuhay nang napakamiserable? Lalo na, maraming negatibong propaganda online. Bakit hindi nagtitiis nito ang ibang mga iglesia, bakit palaging tayo ang kailangang magdusa ng mga bagay na ito? Hayagang ipinapahayag ng ibang mga mananampalataya sa Diyos ang pananalig nila sa Kristiyanismo kahit saan sila magpunta, pero tayong mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay hindi naglalakas-loob na magsalita nang hayagan, natatakot na baka iulat tayo ng masasamang tao at saka tayo arestuhin.” Kamakailan, nabalitaan Ko na may isang tao na nagpapakilala bilang isang opisyal ng pamahalaan, mayroon itong ilang katanungan sa mga kapatid. Nang makita ng mga kapatid na tinatanong sila ng isang opisyal, natakot sila at isiniwalat nila ang lahat ng nalalaman nila, sinasagot ang anumang itinanong sa kanila. Ano ang problema sa ganitong pagkilos nila? Isa kang mananampalataya sa Diyos—bakit mo katatakutan ang mga opisyal? Kung wala ka namang ginawang anumang ilegal, hindi mo kailangang matakot. Kung nasa iyo ang katotohanan, bakit ka matatakot sa mga diyablo at kay Satanas? Sa tingin mo ba, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi ang tamang daan? Pakiramdam mo ba ay may nagawa kang ilegal? Kung gayon, bakit ka natatakot sa isang opisyal? Hindi ba’t hangal at mangmang ang gayong mga tao? Lubhang nagdusa ang ilang tao sa pagtugis at pang-uusig sa mainland; matapos makarating sa ibang bansa, nakokonsensiya ba sila tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Nakakaramdam ba sila ng pagkapahiya dulot ng pang-uusig ng malaking pulang dragon? Nararamdaman ba nila na nawalan sila ng mukhang harapin ang mga ninuno nila at na nawalan sila ng karangalan dahil napilitan silang tumakas sa ibang bansa para manampalataya sa Diyos at gampanan ang tungkulin nila? Nakikita ba nila ang salungat na pagtrato ng satanikong rehimen at ng pamayanang panrelihiyon sa Diyos at sa iglesia, at nararamdaman ba nilang mas mababa sila, marahil ay mas lalo pang kahiya-hiya kaysa sa paggawa ng isang krimen? Mayroon ba kayo ng ganitong mga damdamin? (Wala.) Maaaring umiiling kayo sa panlabas, ayaw ninyong pansinin ang mga kaisipan at damdaming ito, pero kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, ang mentalidad ng isang tao, ang mga pag-uugali niya, at ang mga hindi sinasadyang pagkilos niya ay hindi maiiwasang maglalantad sa mga pinakamalalim, pinakatagong aspekto ng puso niya. Ano ang nangyayari dito? Kung wala ka ng mga ganitong bagay, bakit ka natatakot? Natatakot ba sa pulis ang isang taong hindi lumabag sa batas? Kinatatakutan ba niya ang hukom? Hindi. Ang mga lumalabag lang sa batas ang pinakanatatakot sa pulis, at tanging ang mga Intsik, na nasanay na sa paniniil ng pulis, ang may pinakamatinding takot sa kanila dahil walang batas ang pulis ng CCP at ginagawa nila ang anumang gusto nila. Samakatwid, nang unang makarating sa ibang bansa ang mga Intsik, natatakot na sila kapag nakakakita lang ng pulis. Resulta ito ng pagiging takot sa panuntunan ng malaking pulang dragon, at isa itong bagay na naibunyag sa loob ng di-malay nila. Sa mga bansa sa Kanluran, legal ang katayuan mo, mayroon kang mga karapatan sa paninirahan, wala kang nilabag na anumang mga batas, hindi mo binatikos ang pamahalaan, at wala kang ginawang anumang mga krimen. Gaano man karaming kontrobersiya ang maaaring pukawin ng pananalig mo sa pamayanang panrelihiyon, nananatiling tiyak ang isang katunayan: Legal na protektado ang pananalig mo, naaayon ito sa batas at malaya ito, at ito ang marapat mong karapatang pantao. Wala kang nilabag na anumang mga batas, kaya’t kung may magpapakilala bilang isang pulis at magtatanong sa iyo, “Nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos? Ipakita mo sa akin ang ID mo! Taga saan ka? Ilang taon ka na? Ilang taon ka nang nananampalataya? Saan ka nakatira? Sabihin mo sa akin ang adres mo!” paano ka sasagot? Sa unang tanong na, “Nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos?” paano ka sasagot? (Oo.) Bakit ninyo sasabihing “oo”? Batay ba ito sa katunayan? O responsabilidad mo ba ito bilang mamamayan, na dapat mong sabihing “oo” kung tinanong? O nagtagubilin ba sa iyo ang Diyos na magsabi ng “oo”? Ano ang basehan ninyo? Sa ikalawang tanong niya na, “Ipakita mo sa akin ang ID mo!” ipapakita ba ninyo ito? (Hindi.) At ang ikatlong tanong: “Saan ka nakatira? Isulat mo ang adres mo.” Isusulat mo ba ito? (Hindi.) Ang ikaapat na tanong: “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Sino ang nagpapasok sa iyo sa pananalig? Bakit ka nananampalataya? Ilang taon ka na sa ibang bansa?” Sasagutin mo ba ang mga ito? (Hindi.) Ang ikalimang tanong: “Anong tungkulin ang ginagampanan mo rito? Sino ang lider mo?” Sasagutin mo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Wala akong obligasyong sabihin sa kanya.) Balikan natin ang unang tanong: Kung tinanong ka kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, nagkakaisa kayong lahat na sabihing sasagot kayo ng “oo.” Tama ba ang pagsagot nang ganito? (Hindi.) Bakit mali ito? (Dahil isang personal na kalayaan ang pananalig. Walang karapatan ang pulis na manghimasok. Kaya, may karapatan akong hindi magsabi sa kanila.) Kung gayon, bakit hindi mo sasabihin sa kanila? (Dahil kailangan ko munang linawin kung bakit nila ako tinatanong, sa anong kapasidad nila ito ginagawa, at kung alinsunod ba sa batas ang pagtatanong nila o hindi. Kung hindi malinaw ang pakay at pagkakakilanlan nila, wala akong obligasyong sagutin ang mga tanong nila.) Tama ang pahayag na ito. Sa simula, sinabi ninyong lahat na sasagot kayo ng “oo,” pero habang nagpapatuloy Ako sa pagtatanong, nararamdaman ninyo na may mali, na parang hindi tama ang sagot ninyo. Tinukoy ba ninyo kung nasaan ang problema? Sa usaping ito, ito ang pagkaunawang dapat mayroon kayo: Wala tayong nilalabag na anumang mga batas sa pananampalataya sa Diyos, hindi tayo mga kriminal, mayroon tayong mga karapatang pantao at kalayaan. Hindi puwedeng kung sino-sino na lang ang mag-uusisa o magtatanong sa atin kung gugustuhin nila. Hindi ibig sabihin na kahit sino ang magtanong sa atin, kailangan nating sumagot nang matapat; wala tayong obligasyong gawin ito. Tama ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ilegal para sa sinuman, kahit sino pa sila, na basta-basta na lang tayong uusisahin; dapat nating maunawaan ang batas at matutunang gamitin ito para protektahan ang sarili natin. Ito ang karunungang dapat taglayin ng mga hinirang ng Diyos. Kaya, ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng gayong sitwasyon sa hinaharap? Kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, paano ka sasagot, paano mo ito haharapin? Ang una mong sasabihin ay, “Sino ka? Ano ang karapatan mo para itanong sa akin ito? Kilala ba kita?” Kung sasabihin ng taong ito na isa siyang empleyado ng isang ahensiya ng pamahalaan, dapat mong hingin sa kanya na ipakita ang mga kredensiyal niya. Kung hindi niya ipapakita ang mga kredensiyal niya, sasabihin mo, “Hindi ka kalipikadong makipag-usap sa akin, at wala akong obligasyong sagutin ka. Maraming manggagawa sa pamahalaan; dapat ko ba silang sagutin lahat? May mga nakatalagang tao ang pamahalaan para mangasiwa sa mga partikular na gampanin—talaga bang ikaw ang may hawak sa usaping ito? Kahit pa ikaw nga ito, hindi ko nilabag ang batas, kaya bakit kita dapat na sagutin? Bakit ko dapat na sabihin sa iyo ang lahat? Kung sa palagay mo ay may nagawa akong mali o nilabag ko ang batas, puwede kang magpakita ng ebidensiya. Pero kung gusto mong sagutin ko ang alinman sa mga katanungan mo, kausapin mo ang abogado ko. Wala akong obligasyong sagutin ka, at wala kang karapatang magtanong!” Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito ng pagtugon? May dignidad ba ito? (Oo.) Ano ang ipinakita ng sagot ninyo kung gayon? May dignidad ba ito? (Wala.) Ang pagsagot ninyo sa sarili ninyong paraan ay nagpapakita ng kamangmangan sa batas. Sinasagot mo na lang ang anumang itinatanong ng iba, at ano ang nangyayari sa huli? Nagiging Hudas ka. Kaya mong sumagot nang walang pakundangan, at ito ang dahilan diyan: Ang mga tao sa bansa ng malaking pulang dragon ay naindoktrinahan at na-brainwash na isiping ang mga mananampalataya sa Diyos ay mangmang, nasa mas mababang antas, at inuusig ng estado, na dapat silang mamuhay nang walang mga karapatang pantao o dignidad sa bansang ito; kaya, ibinababa ng mga mananampalataya ang sarili nila sa mas mababang katayuan. Pagdating nila sa mga bansa sa Kanluran, hindi nila nauunawaan ang mga bagay tulad ng kung ano ang mga karapatang pantao, kung ano ang dignidad, o kung ano ang mga obligasyon ng isang mamamayan. Kaya, kapag may nagtatanong kung nananampalataya ka ba sa Diyos, nagmamadali kang aminin ito dahil sa takot, sinasabi sa kanya ang lahat ng nalalaman mo at talagang hindi nagpapakita ng anumang tayog. Sino ang may sanhi ng lahat ng ito? Ang indoktrinasyon at pamumuno ng malaking pulang dragon ang nagsanhi nito. Sa kailaliman ng di-malay ng lahat ng tao sa mainland, may isang ideya na kapag nananampalataya ka sa Diyos, nakapuwesto ka sa pinakamababang katayuan sa lipunan, sa gitna ng sangkatauhan; nahihiwalay ka sa lipunan at sangkatauhan. Kaya, ang mga taong ito ay walang dignidad, mga karapatang pantao, at kabatiran na protektahan ang sarili nila; sila ay mga hangal, mangmang, at walang unawa, hinahayaan nilang apihin at manipulahin sila ng iba kung gustuhin ng mga ito. Ganito ang mentalidad ninyo. Sa halip na manindigan sa patotoo mo para sa Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa anumang sandali, nagiging Hudas ka sa anumang sandali. Kaya, paano ka makakakilos nang may dignidad? Paano mo dapat harapin ang isang estrangherong nagtatanong sa iyo? Una, tanungin mo kung sino siya, pagkatapos, hingin mo sa kanya na ipakita ang mga kredensiyal niya. Ito ang tamang legal na pamamalakad. Sa mga bansa sa Kanluran, palaging nagpapakita muna ng mga kredensiyal nila ang mga pulis o sinumang iba pang mga manggagawa ng pamahalaan kapag nakikisalamuha sa publiko bilang mga kinatawan na nagtatrabaho sa ngalan ng pamahalaan. Matapos makumpirma ang pagkakakilanlan niya batay sa mga kredensiyal niya, magpapasya ka kung paano sasagutin ang mga tanong niya o kung paano haharapin ang mga hinihingi niya sa iyo. Siyempre, sa usaping ito, tiyak na may pagkakataon ka para gumawa ng mga pasya, ganap kang may awtonomiya, hindi ka isang tau-tauhan. Bagama’t isa kang Intsik at kasapi ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, isa ka ring legal at kinikilalang miyembro ng bansang iyong tinitirhan. Huwag mong kalimutan na mayroon kang awtonomiya; hindi ka isang alipin o bilanggo ng anumang bansa, isa kang taong puwedeng magtamasa sa mga batas, karapatang pantao, at sistema ng bansang iyon.
Batay sa nilalaman na ibinahagi Ko, paano ninyo dapat harapin ang mga biglaang sitwasyon at di-inaasahang pangyayari? Ito ang ikaapat na punto na pagbabahaginan natin—huwag maging matatakutin. Tinatanong ng ilang tao, “Nangangahulugan ba ang hindi pagiging matatakutin ng pagkilos lang sa paraang hangal at mapangahas?” Hindi, nangangahulugan ang pagiging hindi mahiyain ng hindi pagkatakot sa anumang kapangyarihan dahil hindi tayo mga kriminal, hindi tayo mga alipin; tayo ay mga marangal na hinirang ng Diyos, mga marangal na nilikha sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Sa pagharap ninyo sa usaping ito, una sa lahat, huwag maging matatakutin; dagdag pa rito, aktibong panatilihin ang tungkulin ninyo at ang kapaligiran kung saan ninyo ginagampanan ang tungkulin ninyo, at harapin din ang iba’t ibang kapaligiran at mga pahayag, kilos, at mga iba pang bagay na may iba’t ibang kapangyarihang nakatutok laban sa atin nang may aktibong saloobin. Ang aktibong pagharap sa mga ito at pagiging hindi matatakutin—ano ang tingin ninyo sa saloobing ito? (Mabuti ito.) Marangal ang ganitong pamumuhay, tulad ng isang tao; hindi ito pamumuhay nang walang dangal para lang makaraos. Pumunta tayo sa ibang bansa para gampanan ang tungkulin natin, hindi para lang magpakabusog o magsikap kumita ng ikabubuhay; wala tayong nilabag na anumang batas, hindi tayo nagdulot ng anumang problema sa alinmang bansa, at tiyak na hindi tayo mga alipin ng anumang bansa. Ginagampanan natin ang tungkulin ng mga nilikha sa loob ng sambahayan ng Diyos; sinusuportahan natin ang sarili natin, nang hindi nakadepende sa iba; ito ay ganap na legal.
Sa apat na puntong katatalakay lang natin, mahalaga ang bawat isa. Ano ang unang punto? (Sa ibang bansa man o sa Tsina, ang buong-pusong paggugol ng sarili ng isang tao para sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin niya ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng lahat ng sangkatauhan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang paggampan natin ng tungkulin ay bukas at matapat, hindi patago, dahil ang ginagawa natin ngayon ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng sangkatauhan.) At ang ikalawa? (Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pangyayari. Lahat, kabilang ang mga pinuno ng mundo at anumang kapangyarihan sa mundo ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos—walang sinuman ang may kontrol sa sarili niyang tadhana. Hindi tayo naiiba; ang kapalaran natin ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagpabago sa direksyon kung saan tayo pupunta o kung saan tayo mananatili. Kung ano ang panuntunan at sistema ng pinuno ng bansang tinitirhan natin, kung ano ang sitwasyon ng pamumuhay sa bansang ito, at ang mga ito man ay nagbabanta, mapanlaban, o palakaibigan sa atin—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala tayong dapat ipag-alala o ikabahala.) Ang ikatlong punto? (Kahit saan man tayo naroroon at anuman ang mga abilidad o kakayahan natin, isang parte lang tayo ng masa ng mga hamak na nilikha. Ang tanging responsabilidad at tungkulin na dapat nating tuparin ay ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pamamatnugot ng Lumikha. Bagama’t kasalukuyan tayong nasa isang malayang bansa, kung isang araw ay magtatayo ang Diyos ng isang mapanlabang puwersa para usigin at pinsalain tayo, dapat ay wala tayong anumang mga reklamo. Ito ay dahil ang obligasyon, responsabilidad, at tungkulin natin ay ang magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, sa lahat ng pinamamatnugutan ng Diyos. Ang ikaapat na punto ay ang aktibong harapin ang lahat ng panlabas na tao, pangyayari, at bagay, nang walang pagkamatatakutin. Ang apat na puntong ito ay ang mga saloobin at pagkaunawa na dapat taglayin ng lahat ng gumagampan ng tungkulin nila, at ang mga ito rin ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng lahat ng gumagampan ng tungkulin nila. Bagama’t ang apat na puntong ito ay hindi gaanong nauugnay sa ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa na pinagbabahaginan ngayon, dahil pinag-uusapan natin ang mga paghihirap sa gawain, kailangan pa rin nating talakayin ang mga usaping ito; hindi ito para lang sa wala.
C. Ang Mga Prinsipyo na Dapat Isagawa ng mga Lider at Manggagawa Kapag Nakakaranas ng mga Paghihirap
Nakakaranas ang ilang lider at manggagawa ng medyo mahihirap pangasiwaan na isyu sa mga ugnayang panlabas at dahil dito, hindi nila alam kung ano ang gagawin, hindi nila makilatis ang ugat ng problema, ni malaman kung paano ito haharapin. Basta na lang nila itong binabalewala, na nagdudulot na maantala ang usapin. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng kakayahan ng mga huwad na lider na gumampan ng gawain at pagdudulot lang ng mga pagkaantala. Walang katwiran ng isang normal na tao ang mga huwad na lider; dahil hindi nila kayang mangasiwa sa mga problema, bakit hindi nila iulat ang mga ito sa Itaas? Kung iuulat mo ang isang problema sa Itaas, maaari nating harapin ito nang magkasama, at sa huli ay malulutas ang problema. May ilang bagay na hindi ninyo kayang makilatis; tutulungan Ko kayong suriin ang mga ito. Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o mga regulasyon ng pamahalaan, walang problemang hindi kayang lampasan. Para sa mga isyung may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, tayo mismo ang lumulutas sa mga ito; para naman sa mga isyung may kinalaman sa batas, puwede tayong humingi ng legal na payo para matulungan tayo at malutas ang mga ito sa legal na pamamaraan. Anuman ang sadyang ginagawang panggugulo at pagsasabotahe ng masasamang puwersa sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tandaan ninyo ang isang bagay: Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o mga regulasyon ng pamahalaan, walang sinuman ang makakakanti sa atin. Ito ay dahil demokratiko at pinamamahalaan ng batas ang karamihan sa mga bansa sa ibayong dagat; kahit kumikilos laban sa batas ang masasamang puwersa, natatakot din sila sa paglalantad at mga legal na parusa. Ito ay isang katunayan. Paano man guluhin at isabotahe ng madidilim na kamay ng malaking pulang dragon ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o guluhin ang mga normal na buhay natin, o bayaran ang isang tao para gumawa ng masasamang bagay, dapat tayong kumuha ng mga larawan at gumawa ng mga makatotohanang video, seryosong magtago ng mga tumpak na rekord, at malinaw nating itala ang oras, lugar, at mga taong sangkot. Kapag dumating na ang panahon, lulutasin natin ito sa mga legal na pamamaraan, at hindi natin ito kailangang katakutan. Sa kabila ng matinding pagsupil ng malaking pulang dragon, hindi tayo natatakot dito dahil ang Diyos ang suporta natin, at isang araw ay magpapadala ang Diyos ng mga sakuna para wasakin ito, direktang gagantihan ng Diyos ang malaking pulang dragon, at wala tayong anumang kailangang gawin. Minsan, may ilang isyu na hindi ninyo malinaw na nakikilatis; sa ganoong kaso, dapat ninyo itong iulat kaagad paitaas, at ipapakita sa inyo ng Itaas ang isang landas, gagawing maliliit ang malaking isyu, at malulutas ang maliliit na isyu. Sa katunayan, para sa maraming isyu, hindi ninyo alam kung paano suriin ang mga ito at hindi ninyo makilatis ang diwa ng mga ito, at iniisip ninyo na makabuluhan at seryoso ang isang sitwasyon, pero pagkatapos ng pagsusuri mula sa Itaas, mapagtatanto ninyo na talagang wala itong halaga; hindi ito dapat ikatakot at hindi ito makabuluhan—pabayaan na lang ito, at kusa itong malulutas makalipas ang ilang panahon. Ang mga panggugulo ng masasamang puwersa ay hindi makakapagdulot ng malaking kaguluhan; pinakakinatatakutan nila ang hayagang malantad, kaya hindi sila nangangahas na lumampas sa mga hangganan nila. Kung mangangahas na lumampas sa mga hangganan ang marami-raming hangal, maaari natin itong lutasin sa legal na paraan, gamit ang mga legal na hakbang. Isa itong bagay na dapat makilatis ng lahat ng lider at manggagawa. Anuman ang sitwasyong nararanasan ninyo, talagang hindi kayo dapat kumilos nang naguguluhan o hangal. Kung hindi mo makilatis ang isang sitwasyon o mapangasiwaan ito, dapat mo itong iulat kaagad paitaas at hayaan ang Itaas na bigyan ka ng payo at mga estratehiya. Ang tanging tunay na takot ay na hindi kaya ng mga huwad na lider na makilatis o mapangasiwaan ang mga isyu ngunit hindi rin nila inuulat o ipinapaalam ang mga ito sa Itaas; naghihintay pa sila hanggang sa lumala ang sitwasyon at maantala nito ang gawain bago ito iulat paitaas, malamang na mawawala ang pinakamainam na pagkakataon para mapangasiwaan ang problema. Ito ay tulad ng isang tao na may kanser pero hindi nagpapasuri o nagpapagamot agad, at nagpapatingin na lang sa ospital kapag nasa huling yugto na ang kanser,pero sa puntong iyon, huli na ang lahat at wala na siyang magagawa kundi maghintay ng kamatayan. Kaya, ang mga huwad na lider ang pinakamalamang na sanhi ng pagkaantala ng mga bagay-bagay sa gawain nila. May kapansanan sa pag-iisip ang mga huwad na lider, mga tampalasan sila, hindi responsable ni nagtataguyod sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit sinasabing ang mga huwad na lider ay mga hamak, tagapagbabala ng kapahamakan, at hangal na pinakamalubhang walang katwiran? Iyan ang dahilan. Ang sinumang huwad na lider na may gayong mahinang kakayahan na hindi man lang niya kayang pangasiwaan ang mga panlabas na usapin ay dapat na tanggalin at itiwalag kaagad, hindi na muling gagamitin kailanman, upang maiwasan ang karagdagang pagkaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang gawain ng mga huwad na lider ang pinakamabigat na hadlang. Madalas, kapag may lumitaw na isang problema, maaari itong malutas sa pamamagitan ng napapanahong pagkonsulta sa lahat; ang tanging alalahanin ay na may kapansanan sa pag-iisip ang namamahalang huwad na lider, na hindi niya mismo magawang lutasin ang problema, pero hindi rin niya ito tinatalakay sa grupo ng mga tagapagpasya o iniuulat ito sa Itaas, at gumagamit siya ng isang saloobin ng kapabayaan, pinagtatakpan at sinusugpo ang problema—ito ang pinakanag-aantala sa mga bagay-bagay. Kung naaantala ang isyu at nagbabago ang mga sitwasyon, maaari itong humantong sa pagkawala ng inisyatiba na pangasiwaan ang problema, humahantong sa isang pasibong sitwasyon. Ano ang pinapatunayan nito? Hindi puwedeng maantalaang ilang bagay at dapat na harapin kaagad ang mga ito, sa unang pagkakataon. Gayumpaman, hindi batid ng mga huwad na lider ang tungkol dito, kaya, talagang hindi dapat mamuno ang mga indibidwal na may lubhang mahinang kakayahan. Marunong lang maglitanya ng ilang salita at doktrina ang mga huwad na lider at hindi nila kayang lumutas ng anumang aktuwal na problema; ang nagagawa lang nila ay pinsalain ang mga tao o magdulot ng mga pagkaantala. Tanging sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga huwad na lider na ito at pagpili ng mga indibidwal na may pasanin at pagpapahalaga sa responsabilidad na maging mga lider at manggagawa ay makakausad nang normal ang gawain ng iglesia. Kahit ano pa ang mga problemang kinakaharap, hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan, may paraan para malutas ang mga ito. Ang mga panlabas na usapin at mga panggugulo na dulot ng malaking pulang dragon ay maaaring malutas sa pamamagitan ng legal na pamamaraan kung kinakailangan, hindi ito malaking bagay. Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o ang mga regulasyon ng pamahalaan, walang sinuman ang makakakanti sa atin, at sa pagtitiwalang ito, hindi natin kailangang matakot sa anumang mga panggugulo mula kay Satanas o sa mga diyablo.
Ngayon, kailangang mahimay at maunawaan ang isyu ng mga huwad na lider. Napakahalaga nito para maisakatuparan nang maayos ang gawain ng iglesia! Magbahaginan tayo ngayon tungkol sa kung bakit hindi pa rin iniuulat ng mga huwad na lider ang mga isyu sa Itaas kapag nahaharap sila sa mga isyung hindi nila kayang lutasin sa sarili nila. Paano natin ito dapat tingnan? Magagawa ninyong lahat na suriin ito at makikinabang kayo rito. Ang problema ng hindi paggampan ng aktuwal na gawain ng mga huwad na lider ay malubha na, pero mayroong higit na mas malubhang isyu: Kapag nakakaranas ng mga panggugulo mula sa masasamang tao at mga anticristo ang iglesia, hindi lang sa hindi ito pinapangasiwaan ng mga huwad na lider; ang mas malala pa, bigo rin silang iulat ito sa Itaas, hinahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na guluhin ang iglesia—matiwasay lang silang nanonood mula sa isang tabi, hindi sumasalungat sa sinuman. Hanggang saan man ang panggugulo sa gawain ng iglesia, walang pakialam ang mga huwad na lider. Ano ang problema rito? Masyado bang malaki ang kawalan sa moralidad ng gayong mga huwad na lider? Ang katunayang ito lang ay sapat na para patalsikin ang gayong mga huwad na lider. Ang pagpapahintulot ng mga huwad na lider sa masasamang tao at mga anticristo na malayang guluhin ang iglesia ay katumbas ng pagkapasa ng iglesia at ng mga hinirang ng Diyos sa masasamang tao at mga anticristong ito, na nagsisilbing pananggalang para sa masasamang tao at mga anticristo. Masyadong malaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia! Sa kaisa-isang puntong ito, ang tanong ay hindi kung dapat bang tanggalin ang mga huwad na lider, kundi kung dapat na silang paalisin. Alin ang may mas malubhang kalikasan: ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain ng mga huwad na lider o ang pagpapahintulot ng mga huwad na lider sa masasamang tao at mga anticristo na guluhin ang iglesia? Makakaapekto ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos at sa pag-usad ng gawain ng iglesia; nagdudulot na ito ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin. Gayumpaman, kapag pinapahintulutan ng mga huwad na lider ang masasamang tao at mga anticristo na basta-bastang guluhin ang iglesia, nang hindi naghahanap ng solusyon o iniuulat ito sa Itaas, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan. Sa pinakamababang antas, nababalot ang buhay-iglesia ng ganap na kaguluhan at kawalan ng kaayusan dahil sa mga masasamang tao at mga anticristo, at dagdag pa rito, palpak at hindi umuusad ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t direktang naaapektuhan nito ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo? Totoo ngang napakalubha ng mga kahihinatnan! Samakatwid, kung gagawa ang mga huwad na lider ng ganitong pagkakamali, dapat silang patalsikin. Maraming lider at manggagawa ang palaging may naiibang kaisipan at kuru-kuro tungkol sa pag-uulat ng mga isyu sa Itaas. Sinasabi ng ilan, “Kahit iulat pa ang mga isyu sa Itaas, baka hindi pa rin malulutas ang mga ito.” Ito ay kakatwang pananalita! Ano ang ibig mong sabihin sa “baka hindi pa rin malulutas ang mga ito”? Dahil lang sa hindi mo ito kayang lutasin ay hindi nangangahulugang hindi rin ito kaya ng Itaas. Kung bibigyan ka ng Itaas ng isang landas, sa totoo lang, halos ganap nang nalutas ang problema; kung walang landas na ibibigay ang Itaas, wala ka nang ibang natitirang solusyon. Hindi mo makilatis maging ang maliit na isyung ito; masyado kang mayabang at mapagmagaling! Sinasabi rin ng ilan, “Kapag nakakaranas tayo ng mga paghihirap o isyu, kailangan muna nating magbulay nang ilang araw, at saka lang ito iulat kung talagang wala tayong mahanap na solusyon.” Maaaring tila may kaunting katwiran iyong mga nagsasabi nito, pero hindi ba’t malamang na makakapagdulot ng mga pagkaantala ang ilang araw ng pagbubulay na ito? Makakasiguro ka ba na makakalutas sa isyu ang ilang araw ng pagbubulay? Magagarantiya mo ba na hindi ito magdudulot ng karagdagang pagkaantala? Sinasabi ng iba, “Kung agad nating iuulat ang isang isyu, hindi ba’t iisipin ng Itaas na hindi man lang natin kayang makilatis ang maliit na isyung ito? Hindi ba’t tatawagin nila tayong mga hangal at mangmang, at pupungusan tayo?” Mali silang sabihin ito—iulat mo man o hindi ang isyu, kitang-kita na ang kalidad ng kakayahan mo; alam ng Itaas ang lahat ng ito. Sa tingin mo ba ay pahahalagahan ka ng Itaas kung hindi mo iuulat ang isang isyu? Kung talagang iuulat mo ang isyu, at hindi ito nagdulot ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin, hindi ka papanagutin ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kung hindi mo ito iuulat at hahantong ito sa mga pagkaantala, direkta kang mananagot, at agad kang tatanggalin, hindi na muling gagamitin kailanman. Ituturing ka rin ng mga hinirang ng Diyos bilang isang mangmang, hangal, mahina ang isipan, at nahihibang, at kamumuhian ka nila, at habambuhay ka nilang kasusuklaman. Iyong mga palaging natatakot na mapungusan o maliitin ng Itaas dahil sa pag-uulat ng mga problema, ay may mahinang kakayahan at ang mga pinakahangal; dapat silang tanggalin, at hindi na muling gagamitin kailanman. Ang pagkakaroon ng gayong mahinang kakayahan at ang kagustuhan pa ring hindi mapahiya—hindi ba’t lubos na walang kahihiyan iyon? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga huwad na lider na bukod sa hindi ginagawa nang maayos ang gawain nila ay nagdudulot rin ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin? Dapat ba silang tanggalin? (Oo.) Kung mahaharap sila sa isang malaking isyu at kaya nila itong iulat kaagad nang hindi nagdudulot ng mga pagkaantala o malubhang kahihinatnan, paano dapat tingnan ang gayong mga lider? Kahit papaano, itinuturing sila na may katwiran at kayang magtaguyod sa gawain ng iglesia. Dapat bang patuloy na gamitin ang gayong mga lider? Dapat. Tanging ang mga lider na pinakamay-kapansanan sa pag-iisip ang iiwas sa pag-uulat ng mga isyu dahil sa takot na mapungusan. Puwede pa rin bang gamitin ang gayong mga lider sa hinaharap? Sa tingin Ko, hindi na sila puwedeng gamitin pa dahil nagdudulot ng sobra-sobrang pagkaantala ang paggamit sa kanila. Sa puntong ito, dapat malinaw nang nauunawaan ng lahat sa inyo ang ganitong mga uri ng mga problema, tama ba? Kapag nakakaranas kayo ng mga isyung hindi ninyo kayang pangasiwaan, iulat ang mga ito kaagad at makipagbahaginan sa grupo ng mga tagapagpasya para makahanap ng mga solusyon. Kung hindi kayang pangasiwaan ng grupo ng mga tagapagpasya ang mga ito, agad itong iulat sa Itaas; huwag mag-alala sa kung ano-anong bagay, ang pinakamahalaga ay ang magawang lutasin kaagad ang isyu. Ang halimbawang nabanggit ngayon lang ay nangyayari sa lahat ng iglesia; lilitaw ang ganitong mga paghihirap at problema. Kumpara sa ilang panloob na paghihirap ng iglesia, mayroong mas malulubhang kahihinatnan ang mga panlabas na isyung ito. Kaya naman, medyo mas mahirap ang mga panlabas na isyu kumpara sa mga panloob na isyu ng iglesia. Kung mahaharap kayo sa mga panlabas na isyu, dapat ninyong lutasin kaagad ang mga ito sa pamamagitan ng pagkonsulta o iulat ang mga ito sa Itaas; ito ay kinakailangan. Tanging ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang makakasiguro sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia at makakagarantiya na hindi nahahadlangan ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Iyan na ang lahat para sa pagbabahaginan natin tungkol sa mga prinsipyo ng pangangasiwa sa mga panlabas na isyu ng iglesia.
Sa bawat iglesia, may ilang tao na mahina ang kakayahan, at palagi silang nakakaranas ng mga paghihirap sa paggampan ng mga tungkulin nila, hindi sila makahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa kahit paano man ipagbahaginan sa kanila ang katotohanan, bulag lang nilang ginagamit ang mga regulasyon nang walang anumang tunay na bisa. Sa gayong mga kaso, kailangang italaga sa iba ang mga tungkulin ng mga taong ito. Itong pagtatalaga ng mga tungkulin sa ibang tao ay ang muling pagtatalaga ng mga tauhan. Halimbawa, may isang taong itinalaga sa isang importanteng trabaho, pero may ilang isyu siya sa gawain niya na hindi malutas kahit paano ka pa makipagbahaginan sa kanya. Hindi mo makilatis kung ano ang diwa ng problema o kung maaari pa bang gamitin ang taong ito o hindi, at hindi rin nagbubunga ng mga resulta ang pag-oobserba o karagdagang pagbabahaginan. Bagama’t hindi naman nagdudulot ng masyadong maraming pagkaantala sa gawain ang taong ito, hindi kailanman nalulutas ang mga kritikal na isyu, na palaging nagiging dahilan kung bakit medyo hindi ka mapalagay. Ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganito? Ito ay isang napakahalagang isyu. Kung hindi mo ito kayang lutasin nang mag-isa, dapat mo itong dalhin sa isang pagtitipon ng mga lider at manggagawa para pagbahaginan, himayin, at suriin. Kung maaabot ang isang pagkakasundo, malulutas ang problema. Kung hindi malulutas ng pagsasagawa sa ganitong paraan ang problema, habang tumatagal ito, makakapagdulot ba ito ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin? Kung oo, dapat mo itong iulat sa Itaas at maghanap ka ng solusyon sa lalong madaling panahon. Sa madaling salita, anuman ang mga kalituhan o paghihirap na nararanasan mo sa gawain mo, hangga’t nakakaapekto ang mga ito sa mga hinirang ng Diyos sa paggampan sa mga tungkulin nila o nakakahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat malutas kaagad ang mga isyu. Kung hindi mo kayang lutasin ang isang isyu nang mag-isa, dapat kang humingi ng tulong sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan para makasama sila sa paglutas nito. Kung kahit ito ay hindi gagana, dapat mong isulong ang isyu at iulat ito sa Itaas para makahanap ng solusyon. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa. Dapat na seryosohin ng mga lider at manggagawa ang anumang mga paghihirap o kalituhan na nararanasan nila, hindi lang kaswal na nangangaral ng ilang salita at doktrina, sumisigaw ng mga islogan para pasiglahin ang mga kapatid, o pinupungusan ang mga ito at saka itinuturing ito na tapos na kasunod ng pagkatuklas sa mga isyu o paghihirap. Minsan, ang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay maaaring makalutas sa ilang paimbabaw na isyu, ngunit sa huli, hindi nito malulutas ang ugat ng mga problema. Ang mga isyung may kinalaman sa ugat, mga tiwaling disposisyon, at mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay dapat na lutasin sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Mayroon ding mga indibidwal na paghihirap ng mga tao, mga isyu sa kapaligiran, at mga problemang kaugnay sa propesyonal na kaalaman na kinakailangan para sa paggampan ng mga tungkulin; ang lahat ng praktikal na isyung ito ay nangangailangan ng mga solusyon mula sa mga lider at manggagawa. Sa mga isyung ito, ang anumang kalituhan at paghihirap na hindi malutas ng mga lider at manggagawa ay maaaring dalhin sa pagtitipon ng mga lider at manggagawa para himayin, suriin, at lutasin, o maaari nila itong direktang iulat sa Itaas upang hanapin ang katotohanan para magkaroon ng solusyon. Ito ay tinatawag na paggawa ng tunay na gawain, at tanging sa pagsasanay na gumawa ng tunay na gawain sa ganitong paraan ay maaaring lumago ang tayog ng isang tao at maaaring magampanan niya nang maayos ang mga tungkulin niya. Ang mga lider at manggagawa, hangga’t may pagpapahalaga sila sa responsabilidad, ay makakatukoy sa mga problema sa anumang oras at lugar; mayroong mga problemang dapat nilang lutasin araw-araw. Halimbawa, kababanggit Ko lang sa isang insidente kung saan may isang taong nagtatanong kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, at naguluhan kayong lahat. Sa simula, sinabi ng lahat na sasagot sila ng “oo,” pero kalaunan, may ilan na nagsabing hindi iyon ang tamang tugon, at ang iba naman ay nagsabing hindi nila alam; nagkaroon ng sari-saringtugon. Sa huli, nalito pati na ang mga lider at manggagawa, iniisip na, “Ang pagsasabi ng ‘hindi’ patungkol sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay pagtatatwa sa Diyos sa harap ng iba, at sa gayon ay hindi tayo kikilalanin ng Diyos—pero ano ba ang mga kahihinatnan ng pagsasabi ng ‘oo’ patungkol sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Parang mali ang alinman sa dalawang sagot.” Hindi alam ng mga lider at manggagawa kung paano ito lutasin at hindi sila makapagdesisyon; kaya, kapag muling nakakaranas ang mga kapatid ng gayong mga sitwasyon, wala pa rin sila ng mga tamang pananaw at saloobin, at hindi pa rin malulutas ang problema, na ang ibig sabihin, hindi natupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila at napabayaan nila ang mga tungkulin nila. Ang pagpapabaya sa mga tungkulin ay isang problema ng abilidad at ng kakayahan, pero kapag lumitaw ang gayong mga isyu, ano ang dapat mong gawin kung alam mong hindi nalutas ang mga ito? Hindi mo dapat balewalain ang mga ito o sugpuin ang usapin para palamigin ito, hinahayaan ang lahat na kumilos nang malaya at gawin ang anumang gusto nila. Sa halip, dapat mo itong iulat sa Itaas, hinahanap ang mga angkop na kilos at ang landas ng pagsasagawa na dapat tahakin sa gayong mga sitwasyon. Sa huli, dapat na ipaunawa sa lahat kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga sitwasyong ito, kung anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod ng mga tao, at kung anong mga saloobin at paninindigan ang dapat nilang gamitin. Sa gayon, kapag muling mahaharap sa gayong mga sitwasyon sa hinaharap, mauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo at magkakaroon sila landas ng pagsasagawa. Sa ganitong paraan, natutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila. Kaya, bakit ninyo sinabi lahat noong una na sasagot kayo ng “oo” kapag tinanong kung nananampalataya ba kayo sa Makapangyarihang Diyos? May dahilan ito: Hindi kailanman nakipagbahaginan sa inyo ang mga lider at manggagawa tungkol sa kung paano lutasin ang gayong mga isyu. Itinuturing nilang maliliit na usapin ang mga ito kung saan may kanya-kanyang pagkaarok ang lahat, kung saan maaari itong arukin ng lahat kung paano nila gusto at maaari silang magsagawa ayon sa tingin nilang tama. Kaya, nang ibinato sa inyo ang katanungang ito, samu’t sari ang mga tugon. Kung gayon, may kongklusyon na ba kayo ukol sa usaping ito? Ano ang dapat mong gawin kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos? Una, tanungin mo kung sino siya. Ikalawa, hilingin mo sa kanya na magpakita ng mga kredensiyal. Kung tatanungin ka niya ng iba pang personal na impormasyon, huwag magbigay ng sagot. Kahit na magpakita siya ng mga kredensiyal, huwag mong sabihin sa kanya, dahil ito ay personal privacy mo. Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung sino ang nangaral ng ebanghelyo sa iyo, kung saan ka gumagawa ng mga tungkulin mo, kung gaano kalakas ang pananalig mo, kung paano mo pinipili ang landas mo sa hinaharap, kung paano mo hinahangad at kinakamit ang katotohanan—masyadong mahalaga ang mga usaping ito para basta na lang isiwalat sa sinumang hindi mo kilala. Wala siyang karapatang usisain ang gayong mahahalagang impormasyon. Kung hindi kayang lutasin ng mga lider at manggagawa ang gayong mga isyu, dapat nilang iulat kaagad ang mga ito sa Itaas para maghanap ng mga solusyon at humingi ng mga angkop na paraan ng pagtugon. Hindi ka kukutyain ng Itaas; ang pinakamasamang maaaring mangyari ay sasabihin lang nilang masyado kang hangal. Ano’t anuman, ang magawang lutasin ang problema ay ang pinakamainam na resulta.
Ngayon, tungkol sa ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang pag-uulat at paghahanap kaagad kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain—pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa kung ano ang bumubuo sa mga kalituhan at paghihirap, pati na rin kung paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga lider at manggagawa ang mga isyung ito kapag kinakaharap nila ang mga ito, at kung paano harapin ang mga usaping ito. Tungkol naman sa kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider kapag nakakaranas sila ng mga ganitong isyu, tatalakayin natin ang parteng iyon sa susunod na pagbabahaginan.
Marso 27, 2021