Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 6

Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa nakaraang pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikaanim na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang pangunahing nilalaman ng aytem na ito? (Ang ikaanim na bahagi ay: “Itaguyod at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay maaaring magkaroon ng oportunidad na sumailalim sa pagsasanay at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.”) Noong huli, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao, at kung bakit itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hinimay rin natin ang mga problemang umiiral sa mga huwad na lider pagdating sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng taong may talento. Kung gayon, ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider sa loob ng dalawang aytem na ito? Bakit natin sinasabing mga huwad na lider sila? May dalawang pangunahing aspekto. Ang isang aspekto ay na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo para sa pagtataguyod, paglilinang, at paggamit sa iba’t ibang uri ng tao, ni hinahanap ang mga prinsipyong ito. Hindi nila alam kung anong mga aspekto ng kakayahan ang mahalaga para taglayin ng ng mga tao o kung anong mga pamantayan ang mahalagang matugunan upang maging lider o manggagawa. Dahil dito, walang pili-pili nilang ginagamit ang mga tao batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang isa pang seryosong isyu ay na pagkatapos itaguyod, linangin, at gamitin ang mga taong ito, hindi nila sinusubaybayan o sinusuri ang gawain ng mga ito, hindi rin nila inaalam kung gaano kahusay ang ginagawa ng mga ito, o kung gumagawa ng totoong gawain ang mga ito, o kung natutupad ba ng mga taong ito ang kanilang mga responsabilidad, o kung ano ang kanilang karakter, o kung angkop sa mga taong ito ang mga tungkuling ginagawa nila, at kung ang mga tao ba na itinaguyod, nililinang, at ginamit ng mga huwad na lider ay pasok sa pamantayan at naaayon sa mga prinsipyo—hindi nila kailanman sinusuri ang mga bagay na ito. Para sa mga huwad na lider, ito ay isang kaso lang ng pagtataguyod ng mga tao, pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at wala nang iba pa, at na pagkatapos ay natutupad na ang kanilang mga responsabilidad. Ganito ginagawa ng mga huwad na lider ang kanilang gawain, at ganito rin ang kanilang saloobin at pananaw habang gumagawa. Kaya mapatutunayan ba ng dalawang pangunahing pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider na hindi nila ginagawa at hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga responsabilidad pagdating sa pagtataguyod, paglilinang, at paggamit sa mga tao? (Oo.) Hindi sinusuri ng mga huwad na lider ang gawain o inoobserbahan ang iba’t ibang uri ng tao, at lalong hindi sila nagiging metikuloso pagdating sa katotohanan at mga prinsipyo, kung ikukumpara ang mga pagpapamalas at kalagayan ng iba’t ibang uri ng tao batay sa mga katotohanang nauunawaan nila at ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos; hindi rin nila makilatis kung ang pagkatao at mga kalakasan ng iba’t ibang uri ng tao ay umaayon sa mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa paggamit sa mga tao. Sa mga kadahilanang ito, talagang naguguluhan at malingat sila pagdating sa pagtataguyod, paggamit sa mga tao, at pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at ang ginagawa lang nila ay ang iraos ang gawain at gumawa ng mababaw na gawain batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa kasong ito, kung hihilingin sa mga huwad na lider na gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran at angkop batay sa pagkatao at mga kalakasan ng mga ito, magagawa ba ito ng mga huwad na lider? (Hindi, hindi nila magagawa.) Isantabi muna natin sa ngayon kung ano ang kakayahan ng mga huwad na lider. Kung titingnan lang ang saloobin nila sa gawain at ang mga paraan at sistema nila sa paggawa ng gawain, at ang katunayan na hindi sila gumagawa ng anumang totoong gawain, kundi nagangasiwa lang ng mga pangkalahatang gawain at gumagawa ng kaunting mababaw na gawain na naglalagay sa kanila sa sentro ng atensiyon, at ang katunayan na hindi nila ginagawa ang gawain ng pagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at hindi nila alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema—lahat ng ito ay sapat nang patunay na hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang totoong gawain ng iglesia. Batay lamang sa katunayan na hindi gumagawa ng totoong gawain ang mga huwad na lider, o hindi lubos na nakikipag-ugnayan sa mga kapatid para lumutas ng mga totoong problema, at sa halip ay kumikilos nang sobrang nakatataas at nagbibigay ng mga utos, maaaring makumpirma na wala silang kakayahang gampanan nang maayos ang lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia upang maitaguyod at malinang ang mga tao para sa sambahayan ng Diyos.

Ikapitong Aytem: Italaga at gamitin ang iba’t ibang uri ng mga tao sa makatwirang paraan, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, nang sa gayon ay magamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan (Unang Bahagi)

Ang Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang Pagkatao

Ano ang pagkaunawa ninyo tungkol sa kung paano magsaayos at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao? (May iba’t ibang hinihinging pamantayan ang sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang uri ng tao na itinataguyod at nililinang, at dapat itaguyod at gamitin ang mga tao ay0n sa mga prinsipyo at pamantayan ng sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod ng mga tao. Kung angkop ang ilang tao na maging mga lider o manggagawa, dapat silang linangin bilang mga lider, manggagawa, at superbisor; kung nagtataglay ang ilang tao ng mga propesyonal na kalakasan sa isang partikular na larangan, ang tungkuling ginagawa nila ay dapat isinaayos ayon sa kanilang mga propesyonal na kalakasan, upang maitalaga at magamit sila nang makatwiran.) May sinuman ba na may idadagdag? (Ang isa pang bagay ay ang pagsukat sa mga tao batay sa kanilang pagkatao. Kung medyo mabuti ang pagkatao ng isang tao, mahal niya ang katotohanan, at mayroon siyang kakayahang umarok, kung gayon, kandidato siya para sa pagtataguyod at paglilinang. Kung ang pagkatao niya ay katamtaman, pero mayroon siyang mga kalakasan at kaya niyang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at magserbisyo, kung gayon, maaari ding italaga ang ganitong uri ng tao sa isang angkop na tungkulin batay sa kanyang mga kalakasan, upang lubusan siyang magamit. Kung isa siyang taong may masamang pagkatao at maaaring magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kung gayon, mas magiging problema pa kaysa sa ikabubuti ang pagpapagawa sa kanya ng isang tungkulin, kaya hindi nararapat na magsaayos ng tungkulin para sa kanya.) Kung ang mga tao ay pag-iiba-ibahin batay sa kanilang pagkatao, hangga’t hindi sila masasamang tao, hindi nagdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, at nagagawa nilang gumawa ng tungkulin, kung gayon ay umaayon sila sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Ang isa pang uri rin ng tao na hindi maaaring gamitin, bukod pa sa masasamang tao at masasamang espiritu, ay ang mga kulang sa katalinuhan, ibig sabihin, iyong mga walang naisasakatuparan, na hindi makatapos ng anumang bagay, hindi kayang matuto ng isang propesyon, hindi kayang mangasiwa ng mga simpleng pangkalahatang gawain, na hindi man lang kayang gumampan ng pisikal na trabaho—hindi maaaring gamitin ang mga taong kulang sa katalinuhan at pagkatao. Sino-sino ang mga taong kabilang sa kategoryang ito ng kakulangan sa katalinuhan? Iyong mga hindi nakakaintindi ng wika ng tao, na walang tunay na pagkaarok, na palaging nagkakamali ng pag-unawa sa mga bagay-bagay, nagkakamali nang akala, nagbibigay ng mga walang kaugnayan na sagot sa mga tanong, at katulad ng mga taong mapurol ang isip o may kapansanan sa pag-iisip—lahat ng ito ay mga taong kulang sa katalinuhan. Mayroon ding mga lubhang kakatwang taon na iba ang pagkakaarok sa lahat ng bagay kumpara sa mga normal na tao—may problema rin sila sa katalinuhan. Kasama ba sa kakulangan sa katalinuhan ang kawalan ng kakayahang matuto ng anumang bagay? (Oo, kasama ito.) Kung gayon, ang kawalan ba ng kakayahang matutong magsulat ng mga artikulo ay maituturing na kakulangan sa katalinuhan? (Hindi ganoon.) Hindi kasama ang mga ganitong uri ng tao. Halimbawa, ang pagkatutong kumanta at sumayaw, pagkatuto ng mga kasanayan sa kompyuter, o pagkatuto ng banyagang wika; ang kawalan ng kakayahang matuto ng mga bagay na ito ay hindi maituturing na kakulangan sa katalinuhan. Kung gayon, nagpapahiwatig ba ng kakulangan sa katalinuhan ang kawalan ng kakayahang matuto ng mga bagay-bagay? Halimbawa, ang ilang tao ay may kaunting kaalaman, pero wala siyang kakayahang matutong ayusin ang kanyang wika kapag nakikipag-usap sa iba. Kaya ba ng ganitong uri ng tao na magbahagi tungkol sa katotohanan, magdasal, at normal na makipag-usap sa iba kapag nananampalataya sila sa Diyos? (Hindi nila kaya.) Kapag mayroon silang ideya sa isipan nila o kapag nasa isang partikular na kalagayan sila, at gusto nilang magtapat at kumausap sa mga tao tungkol dito at maghanap sa landas tungo sa solusyon, nagninilay-nilay sila sa loob ng ilang araw, at hindi nila alam kung saan magsimula o kung paano ipahayag ang kanilang sarili. Sa sandaling magsalita sila, nalilito sila at nagsasalita nang naguguluhan, tila tumututol ang bibig nila na gawin ang iniutos sa kanila at hindi sila makaisip nang maayos. Halimbawa, sasabihin mo sa kanila na, “Maganda ang panahon ngayon at sumisikat ang araw,” at sasagot nila ng, “Umulan kahapon at nagkaroon ng aksidente ng sasakyan sa kalsadang iyon.” Hindi magkatugma ang sinasabi nila ng mga kausap niya. (Oo, hindi tugma.) Halimbawa, kung masakit ang ulo nila at tatanungin mo sila kung ano ang problema, sasabihin nila na medyo hindi komportable ang pakiramdam ng puso nila. Walang kaugnayan ang sagot na ito sa katanungan, hindi ba? (Oo nga.) Ito ay matinding kakulangan sa katalinuhan. Napakaraming ganitong tao. Maaari ba kayong magbigay ng halimbawa? (May ilang tao na palaging lumilihis sa paksa kapag sumasagot ng mga katanungan, sadyang hindi sila makaintindi kung ano ang itinatanong ng ibang tao sa kanila.) Ang madalas na paglihis sa paksa habang nakikipag-usap—ito ay kakulangan sa katalinuhan. Mayroon ding mga tao na hindi nakakakilala sa kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nag-uusap sila, at minsan ay ipinagkakanulo nila ang kanilang sarili kapag nagsasalita sila, nang hindi ito namamalayan—ito rin ay kakulangan sa katalinuhan. Halimbawa, may ilang kapatid na nakatira kasama ang mga walang pananampalatayang kapamilya, na mga nagtatanong sa kanila, “Ano ang ipinagagawa sa inyo ng inyong Diyos?” Sasagot sila, “Ang Diyos na sinasampalatayanan namin ay napakabuti. Tinuturuan Niya kami na maging matatapat na tao, at hindi kami pwedeng magsinungaling sa kahit kanino, at kailangan naming magsalita nang matapat sa lahat ng tao.” Sa panlabas, tila nagpapatotoo sila sa gawaing ginagawa ng Diyos, niluluwalhati ang Diyos, at binibigyan ang kanilang mga tagapakinig ng magandang impresyon tungkol sa mga mananampalataya at hinihikayat ang mga tagapakinig na magtiwala sa mga mananampalataya, pero ganito ba talaga ang kaso? Ano ang sasabihin ng mga walang pananampalataya kapag narinig nila ito? Sasabihin nila, “Sapagkat pinayuhan kayo ng inyong Diyos na maging matatapat na tao, kung gayon, sabihin ninyo sa amin ang totoo: Magkano ang pera ng iglesia ninyo? Sino ang pinakamaraming ibinibigay na handog? Sino ang lider ng inyong iglesia? Ilang lugar ng pagtitipon ang mayroon kayo?” Mabibigla ang mga kapatid na iyon, hindi ba? Hindi ba’t mahina ang isip ng mga taong ito? Bakit sila nakikipag-usap sa mga diyablo at walang pananampalataya tungkol sa pagiging matapat na tao? Sa katunayan, hindi naman sila ganoon kamatapat sa harap ng Diyos. Kaya, hindi ba’t ipinagkakanulo nila ang kanilang sarili sa pamamgitan ng pagiging masyadong seryoso tungkol dito sa mga walang pananampalataya? Hindi ba’t para itong naghuhukay ng sariling problema at paglalagay ng bitag para sa kanilang sarili? Hindi ba’t sila ay mga taong mapurol ang isip? Kapag binubuksan mo ang iyong puso o matapat kang nakikipag-usap sa isang tao, kailangan mong isaalang-alang kung sino ang kausap mo—kung diyablo o Satanas ito, kaya mo bang sabihin sa kanila kung ano talaga ang nangyayari? Kaya, pagdating sa mga taong tulad nito, kinakailangang “mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati”—ito ang turo ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi marunong ang mga taong mapurol ang isip na gawin ito. Marunong lang silang sumunod sa mga regulasyon, at magsabi ng mga bagay tulad ng, “Napakamatapat naming mga mananampalataya, hindi kami nandaraya sa sinuman. Tingnan ninyo kayong mga walang pananampalataya, puno kayo ng mga kasinungalingan, samantalang kami ay nagsasalita nang matapat.” At pagkatapos nilang magsalita nang matapat, nagkakaroon ang mga tao ng instrumentong magagamit laban sa kanila. Hindi ba’t ito ang pagkabigo nilang makakila sa kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas? Hindi ba’t ito ay parang kahinaan sa pag-iisip? Nakakaunawa sila ng ilang doktrina pero hindi nila alam kung paano ito gamitin. Bumibigkas sila ng ilang islogan, at pagkatapos, pakiramdam nila ay talagang espirituwal sila, at inaakala nila na nakakaunawa sila sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at nagpapakitang-gilas kahit saan, ngunit sa huli, sinasamantala ito ng mga Satanas at diyablo, at ginagamit ito laban sa kanila. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.

Katatalakay lang natin tungkol sa ilang uri ng tao na kulang sa katalinuhan. Ang unang uri ay ang mga hindi nakakaintindi ng wika ng tao, at hindi nakakaunawa at nakakaarok sa pinakabuod at mahahalagang punto ng mga salita ng ibang tao; ang isa pang uri ay ang mga taong mapurol ang isip, na walang naisasakatuparang anumang bagay, at hindi nakakaarok sa mga prinsipyo o mahahalagang punto kahit na paano nila gawin ito; ang isa pang karagdagang uri ay iyong mga may sobrang panatiko at kakatwang pananaw sa lahat ng bagay. Pero ang isa pang uri ay iyong mga walang kakayahang matuto ng anumang bagay, at ni walang kakayahang matuto kung paano magsalita o makipag-usap, o kung paano ipahayag ang kanilang mga iniisip at opinyon nang malinaw upang maunawaan sila ng iba; bagama’t marunong silang magbasa at magsulat, hindi nila maayos ang wika nila sa kanilang isipan, o hindi sila makapagsalita nang malinaw, ni makapagpahayag ng mga tamang pananaw, o makapagpasakatuparan ng anumang bagay. Ang mga ito ay pawang mga taong kulang sa katalinuhan. Anumang talento o kasanayan ang natututunan nila, patuloy silang hindi nakakaarok sa mga prinsipyo at panuntunan. Kahit na nagagawa nila nang maayos ang isang talento o kasanayan paminsan-minsan, nagkataon lang ito; hindi nila alam kung paano nila ito nagawa nang maayos. Sa susunod na hindi nila ito magawa nang maayos, hindi rin nila alam kung bakit. Wala silang kakayahang matuto ng anumang bagay o maging bihasa rito. Kung hiniling sa kanila na matuto ng isang talento o teknikal na kasanayan, kahit gaano katagal silang mag-aral nito, teorya lang ang maaarok nila. Nakinig sila sa mga sermon sa loob ng maraming taon, pero hindi nila naunawaan ang katotohanan. Kung hihilingin sa kanila na gawing prinsipyo at landas ng pagsasagawa ang mga salitang ito at mga partikular na pahayag na madalas pagbahaginan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito makakayang gawin nila kahit pa magpakahirap sila nang husto, kahit paano pa sila turuan. Kinukumpirma nito na kulang sa katalinuhan ang mga taong ito. May ilang tao na, sa edad na 50 o 60, ay nakakakuha ng eksaktong parehong mga resulta sa paggawa ng isang bagay kagaya noong sila ay 30 pa lang, nang walang anumang pag-usad. Walang ni isang bagay silang matagumpay na natutunan sa buong buhay nila. Hindi naman nila inaksaya ang oras nila, sobra silang maasikaso at nagsisikap, pero hindi sila nagtagumpay na matuto ng anumang bagay; ipinapakita nito na kulang sila sa katalinuhan. Batay sa pinagbahaginan natin, ang saklaw ng tinatawag na kakulangan sa katalinuhan ay nagiging mas malawak, hindi ba? Kayo ba mismo ay maituturing na kulang sa katalinuhan? (Oo.) Medyo, sa magkakaibang antas. Bakit Ko sinasabi iyon? Karamihan sa mga tao ay nakinig ng mga sermon sa loob ng limang taon, pero hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga layunin ng Diyos; at may ilang tao na nakinig ng mga sermon sa loob ng 10 taon, o 20 o 30 taon pa nga, at hindi pa rin nakakaunawa kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga salita at doktrina, puno ng mga doktrina ang bibig nila, at napakahusay nililitanya ang mga ito—isa itong problema sa kanilang katalinuhan. Isantabi muna natin sa ngayon ang tungkol sa pag-arok sa katotohanan, sabihin na lang natin nagpapakita ang mga tao ng mga ganitong pagpapamalas sa ilang panlabas na bagay at mga karaniwang usapin sa buhay ng tao: Kahit ilang taon na nilang ginagawa ang isang bagay, nananatiling pareho ang kanilang sitwasyon, kalagayan, at pang-unawa gaya noong unang beses silang magsimulang matuto nito, paano man sila gabayan, turuan, o paano man sila magsagawa, wala pa rin silang anumang pag-usad. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.

Ang pagpili at paggamit sa mga tao batay sa kung mayroon silang mabuting pagkatao o wala ay naaayon sa mga prinsipyo; kaya sabihin mo sa Akin, dapat ba nating linangin at gamitin ang mga taong may masamang pagkatao, na kulang sa katalinuhan, o may gawain ng masasamang espiritu? Tiyak na hindi iyon maaari. Bukod pa sa ilang uri ng mga taong ito na hindi umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao, karamihan sa iba pang tao ay maaaring gamitin nang makatwiran batay sa kanilang pagkatao. Para sa mga taong may katamtamang pagkatao, na hindi matatawag na masama o mabuti, maaari lang silang maging mga karaniwang miyembro ng grupo. Para sa mga taong medyo may mabuting pagkatao, na medyo makatwiran at nagtataglay ng konsensiya, na nagmamahal sa mga positibong bagay, na lubos na matuwid, may pagpapahalaga sa katarungan, at kayang magtanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang pagbibigay-diin ay maaaring ituon sa paglilinang at paggamit sa mga taong ito. Tungkol naman sa kung lilinangin at gagamitin sila bilang mga lider o lider ng grupo, o para gumawa ng mahalagang gawain, nakadepende ito sa kanilang kakayahan at mga kalakasan. Ito ay pagtitimbang kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao.

Ang Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang mga Kalakasan

Higit nating pag-usapan kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan. Bukod sa kakayahan, may ilang tao na mayroon ding ilang propesyonal na kasanayan na kanilang pinaghusayan. Ano ang ibig sabihin ng salitang “mga kalakasan”? (Ang pagkakaroon ng kasanayan sa isang espesyal na larangan, tulad ng kakayahang gumawa ng musika, tumugtog ng instrumento, o magpinta ng mga larawan.) Ang pag-unawa sa teorya ng musika, sining, at gayundin sa sayaw at pagsulat—lahat ito ay mga kalakasan. Ang pag-arte at pagdidirek ay mga kalakasan na may kinalaman sa paggawa ng pelikula, ang pagsasalin ay isang kalakasan sa wika, at ang paggawa ng video at mga espesyal na epekto ay mga kalakasan din sa loob ng mga partikular na larangan. Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga kalakasan, tinutukoy natin ang mga propesyonal na kasanayang nauugnay sa pinakamahalagang gawain ng iglesia. May ilang tao na may pangunahing kahusayan, at may ilang tao na nag-aaral ng mga bagay na ito pagkatapos nilang pumasok sa sambahayan ng Diyos. Kung ang isang tao ay may pangunahing kahusayan pero hindi pasok sa pamanatayan ang kanyang pagkatao, at isa siya sa mga taong kulang sa katalinuhan, isang masamang tao, o masamang espiritu, kung gayon, hindi siya pwedeng gamitin. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao at nagtataglay siya ng isang kalakasang kinakailangan ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maaari siyang itaguyod, linangin, at gamitin, maaari siyang italaga sa isang grupo na angkop sa kanyang mga kalakasan, o na kaugnay sa kanyang mga propesyol na kasanayan, at itakdang magtrabaho kaagad. May ilang tao naman na hindi pa nagtataglay ng propesyonal na kalakasan, pero handang matuto, at mabilis na nakakaintindi. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, pwede silang linangin ng sambahayan ng Diyos at gawan ng mga kondisyon para matuto sila, at maaari ding gamitin ang mga gayong tao. Sa kabuuran, ang pagtatalaga ng mga tungkulin ay nakabatay sa kakayahan at mga kalakasan ng mga tao, at hangga’t maaari, ang mga taong may iba’t ibang kalakasan ay dapat isaayos na gumawa sa loob ng kanilang larangan ng kadalubhasaan, upang maipakita nila ang mga kalakasang ito. Kung hindi na kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, maaari silang isaayos na gumawa ng anumang bagay na kaya nilang gawin, batay sa kanilang kakayahan at pagkatao; ito ay tinatawag na makatwirang paggamit sa mga tao. Kung kailangan pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, dapat silang tulutang magpatuloy sa paggawa ng kanilang tungkulin sa larangang ito, at hindi sila pwedeng basta-bastang ilipat, maliban na lang kung napakaraming tao ang nagtatrabaho sa propesyong ito, na kung saan sa gayong kaso ay dapat bawasan ang bilang ng mga tao ayon sa sitwasyon, sa pamamagitan ng muling pagtatalaga ng mga hindi gaanong mahusay sa kanilang propesyon sa ibang mga tungkulin; ito ay makatwirang paggamit sa mga tao.

May isang partikular na uri ng tao na walang anumang espesyal na kasanayan—kaya niyang magsulat ng mga artikulo nang kaunti, kaya niyang kumanta sa tono, at matutong gumawa ng anumang bagay, ngunit hindi siya ang pinakamahusay sa mga bagay na ito. Saan siya pinakamahusay? Mayroon siyang kaunting kakayahan, medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan, at marunong manghusga at magkasangkapan sa mga tao. Bukod pa roon, nagtataglay siya ng mga kasanayan sa pag-oorganisa higit sa lahat. Kung bibigyan mo ang taong ito ng isang tungkulin o trabaho, kaya niyang mag-organisa ng mga taong gagawa nito. Kasabay niyon, nagtataglay siya ng kapabilidad sa gawain; ibig sabihin, kung bibigyan mo siya ng trabaho, may kakayahan siyang gawin ito nang maayos at tapusin ito. Palagi siyang may plano sa kanyang isipan, na may mga hakbang at istruktura. Marunong siyang gumamit ng mga tao, kung paano mag-ukol ng oras, at sino ang gagamitin para sa gampaning ito. Kung may lumitaw na problema, alam niya kung paano talakayin sa lahat ang solusyon. Alam niya kung paano ibalanse at lutasin ang lahat ng bagay na ito. Bukod sa nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ang taong katulad nito, medyo mahusay rin siyang magsalita. Ang kanyang mga salita ay malinaw at maayos, at hindi niya nililito ang mga tao. Kapag nagtalaga siya ng gawain, nauunawaan ng lahat nang malinaw at alam nila kung ano ang dapat na ginagawa ng bawat tao; walang sinumang nakatungaga lang at walang mga pagkalingat sa gawain. Medyo malinaw at maayos din ang paliwanag niya sa mga detalye ng gawain, at lalo na para sa mga komplikadong isyu, nag-aalok siya ng pagsusuri, pagbabahagi, at nililista niya ang mga detalye para maunawaan ng lahat ang mga isyu, matuto kung paano gawin ang gawain, at matuto kung paano magpatuloy. Bukod pa roon, kaya rin niyang magbahagi tungkol sa kung anong mga paraan ng pagkilos ang maaaring may depekto, kung anong mga pamamaraan ng paggawa ang makakaapekto sa kahusayan, kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga tao habang ginagawa nila ang kanilang gawain, at iba pa. Ibig sabihin, mas nag-iisip ang taong ito kaysa sa iba bago siya magsimulang gumawa—nag-iisip siya nang mas detalyado, mas makatotohanan, at mas komprehensibo kaysa sa iba. Sa isang banda, may utak siya, at sa isa pang banda, at mahusay siyang magsalita. Ang pagkakaroon ng utak ay nangangahulugan na ginagawa niya ang mga bagay-bagay sa organisadong paraan, nang may mga hakbang at naaayon sa isang plano, at nang may malaking kalinawan. Ang kahusayan sa pagsasalita ay nangangahulugan na maaari siyang gumamit ng wika para ipahayag, nang malinaw at nauunawaan, ang mga ideya, plano, at kalkulasyon sa isipan niya, at na marunong siyang magsalita nang simple at maikli, para hindi malito ang mga nakikinig sa kanya. Ipinapahayag niya ang kanyang sarili sa wikang labis na malinaw, tumpak, makatotohanan, at angkop. Ito ang ibig sabihin ng pagiging mahusay magsalita. Ang mga taong gaya nito ay mahusay magsalita, nagtataglay sila ng kapabilidad sa gawain, mga kasanayan sa pag-oorganisa, at dagdag pa rito, may pagpapahalaga sila sa responsabilidad, at nagtataglay ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan. Hindi sila mga mapagpalugod ng tao o mga tagahatid ng kapayapaan. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, o ng mga taong mapurol ang isip at kasuklam-suklam na mga tao na hindi nag-aasikaso sa mga nararapat nilang gawain at kumikilos sa tusong paraan, nagagalit sila, naiinis, at kaya nilang maagap na lutasin at pangasiwaan ang mga problemang ito, at protektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at katarungan—hindi ba’t ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mga prominenteng katangian ng ganitong uri ng pagkatao? (Oo.) Maaaring hindi mahusay makisalamuha sa iba ang mga taong gaya nito, o maaaring hindi sila gaanong mahusay sa anumang partikular na propesyonal na kasanayan, pero kung taglay nila ang mga katangiang inilarawan Ko, maaari silang linangin bilang mga lider at manggagawa. Ang mga katangiang ito ay mga kalakasan din nila, ibig sabihin, mahusay silang magsalita, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain at mga kasanayan sa pag-oorganisa, at medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Napakahalaga ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Mayroon bang pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao at mga anticristo? (Wala.) Ang mga anticristo ay may buktot na kalikasan; imposible para sa kanila na magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Ang isa pang mahalagang bagay ay na ang ganitong uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa at abilidad na umarok sa katotohanan; may kaugnayan ito sa kanyang kakayahan. Ang mga kalakasan ng ganitong uri ng tao ay tumutukoy sa mga katangian ng pagkatao at mga talento na kababanggit Ko lang ngayon, kasama na ang tatlong pamantayan ng pagkakaroon ng abilidad na umarok sa katotohanan, pagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at pagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Maaaring linangin bilang mga lider ang mga gayong tao; walang problema roon. Bukod sa pagkakaroon ng talino at kakayahan, dapat may abilidad na umarok sa katotohanan ang isang lider, at may mga kasanayan sa pag-oorganisa at kapabilidad sa gawain sa kanyang trabaho, at kahusayan din sa pagsasalita. May ilang tao na may napakahusay na kakayahan, nagtataglay sila ng espirituwal na pang-unawa, pero kapag dumating ang oras ng pagbabahaginan sa mga pagtitipon, naguguluhan kung paano sabihin ang gusto nilang iparating, lubos silang walang abilidad na ayusin ang kanilang wika, at ang sinasabi nila ay ganap na walang lohika. Maaari bang linangin bilang mga lider ang mga gayong tao? (Hindi maaari.) May mga tao na halos kaya lang makipag-usap sa napakakaunting bilang ng mga tao; kaya nilang magbahaginan tungkol sa ilang kalagayan, opinyon, at pagkaarok sa katotohanan, at kaya nilang sumuporta, magtustos, at tumulong sa iba, ngunit sa paligid ng mas maraming tao, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, at natatakot sila, at maaari pa ngang nerbiyosin hanggang sa puntong maiiyak na. Maaari bang linangin ang mga gayong tao? Para sa isang tao na medyo may mahina at matakutin na pagkatao, at may tendensiyang kabahan sa harap ng maraming tao, kung taglay niya ang pagkatao, mga kalakasan, at kakayahang umarok upang maging isang lider, maaari siyang linangin para maging lider ng isang grupo o lider ng iglesia. Una, linangin at sanayin lamang siya; matapos siyang makaranas sa loob ng ilang panahon, magkakamit siya ng kabatiran at kaya, magiging mas matapang siya nang kaunti, at hindi na siya matatakot na magsalita o humarap sa maraming tao. Sa kabuuran, pagdating sa mga taong mayroong mga katangian ng pagkatao at mga kalakasan na pinagbahaginan natin ngayon lang, maaari silang linangin para maging mga lider hangga’t pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao. Kagaya ng napag-usapan natin noong nakaraan, para malinang ang isang tao bilang lider, hindi niya kinakailangang maunawaan ang lahat ng katotohanan, makapagpasakop sa Diyos, magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at iba pa. Hindi kailangang lubos na matugunan ang lahat ng pamantayang ito. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng partikular na kakayahan, may espirituwal na pang-unawa, at kayang tumanggap sa katotohanan, kung gayon, maaari siyang itaguyod at linangin. Hindi ba’t ito ay makatwirang paggamit sa mga tao? (Oo.) Ang pinakamahalagang pamantayan ay kung pasok ba sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao o hindi.

Nararamdaman ng ilang tao, matapos marinig ang sinabi Ko, na natutugunan na nila ang mga pamantayan para sa pagiging isang lider at na dapat silang itaguyod. Isa itong maling pagkaunawa sa parte nila, hindi ba? Ganoon ba kasimpleng usapin ang pagiging lider? Iniisip nila, “Talagang masistema ako, mayroon akong mga kasanayan sa pag-oorganisa, at mahusay akong magsalita, na kaya kong ipaliwanag nang malinaw maging ang mga pinakakumplikadong usapin, kaya, bakit hindi ako itinataguyod ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi ako pinipili ng mga kapatid na maging lider? Paanong hindi napapansin ng mga nakatataas na lider na may talento ako?” Huwag kang mag-alala. Kung talagang natutugunan mo ang mga pamantayan para maging lider o manggagawa, sa malao’t madali, ikaw ay itataguyod at pahihintulutang magsanay. Ang mahalaga ngayon ay na kailangan mong magsanay nang husto sa pagsasagawa ng katotohanan at pangangasiwa ng mga gawain ayon sa mga prinsipyo, at aktibong tumulong sa iba, at lumutas ng mga totoong problema para sa mga hinirang ng Diyos. Kapag nakikita ng mga hinirang ng Diyos na mayroon kang mahusay na kakayahan at kayang lumutas ng mga totoong problema, irerekomenda at ihahalal ka nila. Kung hindi ka magkukusang gumawa ng kaunting totoong gawain, at maghihintay ka lang sa araw na bigla kang ihahalal bilang lider o itataguyod bilang eksepsiyon ng Itaas, hinding-hindi iyon mangyayari. Kailangan kang gumawa ng kaunting totoong gawain para makita ito ng lahat; sa sandaling personal na makita ng lahat ang mga kalakasan mo at maramdaman nila na isa kang taong dapat na itaguyod, linangin, at gamitin, natural ka nilang irerekomenda at ihahalal. Kung sa ngayon ay pakiramdam mo na angkop kang maging lider, pero walang naghalal sa iyo, at hindi ka pa itinataguyod ng sambahayan ng Diyos, bakit kaya ganoon? Isang bagay ang sigurado: Hindi ka pa nakikilala sa mga mata ng mga kapatid. Maaaring ito’y dahil sa iyong pagkatao, maaaring sa iyong paghahangad, o maaaring sa iyong mga kalakasan o kakayahan o kakayahan. Kung hindi nakikilala o sinasang-ayunan ng mga kapatid ang isa sa mga aspektong ito, hindi ka nila ihahalal o irerekomenda. Kaya, kailangan mong patuloy na magsikap, patuloy na maghangad at magsanay, at kapag tunay mo nang nauunawaan ang katotohanan at kayang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, natural kang irerekomenda at ihahalal ng mga tao; ito ay isang sitwasyon kung saan natural na nangyayari ang mga bagay-bagay kapag nasa tama na ang lahat ng kondisyon. Hindi mo kailangang palaging umasam sa pagiging lider o isipin ito sa lahat ng oras; isa itong labis na pagnanais. Dapat kang magkaroon ng ordinaryong puso, maging isang tao na naghahangad sa katotohanan, magsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at matutong magpakumbaba at magpasensiya. Hindi ka pwedeng bulag na maghangad sa pagiging lider; isa iyang ambisyon, at hindi ito ang tamang landas. Hindi ka dapat palaging mayroong ganitong ambisyon at pagnanais. Kahit pa mayroon ka talagang kakayahan, kailangan mong maghintay hanggang sa makapasok ka sa katotohanang realidad bago ka maging handa para sa tungkulin bilang lider o manggagawa. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, kung gayon, kahit pa pinili kang maging lider o manggagawa, hindi ka makakagawa ng anumang totoong gawain at matatanggal at matitiwalag ka, na isang bagay na madalas mangyari. Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng ilang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakasuklam sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi pasok sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. Matapos mong magnilay-nilay nang kaunti at mahanap kung nasaan ang problema mo, dapat mong hanapin kaagad ang katotohanan para lutasin ito, at pasukin ang katotohanang realidad, at sikaping magbago at umunlad, nang sa gayon kapag nakita ito ng mga nakapaligid sa iyo, sasabihin nila, “Nitong mga nagdaang araw, naging mas mahusay siya kaysa dati. Matatag siyang nagtatrabaho at sineseryoso ang kanyang propesyon, at nakatuon siyang mabuti sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay nang padalos-dalos, o nang pabasta-basta, at mas maingat at responsable na siya sa kanyang gawain. Dati, mahilig siyang magyabang, at palagi siyang nagpapakitang-gilas, pero ngayon higit na siyang mas simple at hindi na hambog. Kahit nagagawa niya ang ilang bagay, hindi niya ito ipinagyayabang, at kapag may natapos siyang isang bagay, paulit-ulit niyang pinagninilayan ito, sa takot na may magawang mali. Mas maingat na siyang kumilos kaysa dati, at nang may-takot-sa-Diyos na puso—at higit sa lahat, kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang ilang problema. Totoo ngang umunlad na siya.” Ang mga nasa paligid mo na nakasalamuha mo nang ilang panahon ay makikita na dumaan ka sa di-mapagkakailang pagbabago at paglago; sa iyong buhay bilang tao, sa iyong asal at pangangasiwa ng mga usapin, at sa saloobin mo sa iyong gawain, at gayundin sa pagtrato mo sa mga katotohanang prinsipyo, mas nagsisikap ka kaysa dati, at mas mabusisi sa iyong pananalita at mga pagkilos. Nakikita ng mga kapatid ang lahat ng ito at isinapuso nila ito. Kung gayon, baka sakaling magawa mong tumakbo bilang kandidato sa susunod na halalan, at magkakapag-asa kang mahalal bilang lider. Kung talagang kaya mong gawin ang ilang mahalagang tungkulin, makakamit mo ang pagpapala ng Diyos. Kung tunay kang may pasanin at may pagpapahalaga sa responsabilidad, at nais pumasan ng pananagutan, kung gayon ay magmadali ka at sanayin ang iyong sarili. Tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo. Sa sandaling may karanasan ka na sa buhay at kaya mo nang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, tunay ngang umunlad ka na. At kung kaya mong magpatotoo para sa Diyos, tiyak na maaari mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyo, ibig sabihin ay pinapaboran ka ng Diyos, at kapag ginagabayan ka ng Banal na Espiritu, nalalapit na ang pagdating ng oportunidad mo. Maaaring may pasanin ka ngayon, pero hindi sapat ang iyong tayog at masyadong mababaw ang karanasan mo sa buhay, kaya kahit maging lider ka pa, malamang na matutumba ka. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa buhay, lutasin muna ang magagarbo mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahanap ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. Sa ngayon, ang inaalala mo lang ay ang paghahangad ng buhay pagpasok, tuparin mo muna nang maayos ang iyong tungkulin, at pagkatapos ay magsulat ka ng ilang artikulo ng patotoong batay sa karanasan para magpatotoo sa Diyos. Kung tunay at praktikal ang mga patotoo mo, hahangaan at magugustuhan ka ng mga taong makakabasa ng mga ito, at gugustuhin nilang makisalamuha sa iyo, at irerekomenda ka nila, kaya darating ang pagkakataon mo. Samakatwid, tiyak na dapat mong sangkapan ang sarili mo ng katotohanan bago dumating ang pagkakataon. Una, dapat magkaroon ka ng praktikal na karanasan, at pagkatapos, likas kang magkakaroon ng tunay na patotoo; gaganda nang gaganda ang mga resulta ng iyong tungkulin, sa panahong iyon, hindi mo magagawang magtago kahit na gustuhin mo, hindi mo maitago ang iyong sarili, at irerekomenda ka ng mga kapatid sa paligid mo. Dahil hindi lamang sa sambahayan ng Diyos kailangan ang mga taong may katotohanang realidad, kailangan din sila ng mga hinirang ng Diyos; ang lahat ay gustong makisalamuha sa mga taong may katotohanang realidad, at gustong makipag-ugnayan sa mga kaibigang mayroong katotohanang realidad. Kung makararanas ka hanggang sa ganitong antas, at makikita ng lahat na tunay ang patotoo mo at kikilalanin nila na mayroon kang katotohanang realidad, hindi mo maiiwasan ang pagiging lider kahit gustuhin mo, at igigiit ng mga kapatid na ihalal ka. Hindi ba’t ganoon ang mangyayari? Kapag tumalikod at bumalik sa Diyos ang alibughang anak, ang Diyos ay nalulugod, natutuwa, at napapanatag ang puso Niya. Bilang isang taong may katotohanang realidad, paanong hindi ka gagamitin ng Diyos? Imposible iyon. Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para bumuo ng grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang hinaharap ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang hinaharap ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao mo at mayroon kang partikular na kakayahan, pero hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka lang ng mabuting pagkatao at kaunting pagpapahalaga sa pasanin, magagawa mo ba nang maayos ang gawain ng isang lider ng iglesia? Matitiyak mo ba na malulutas mo ang mga problema gamit ang katotohanan? Kung hindi mo ito matitiyak, kung gayon ay hindi ka pa rin mahusay sa gawain mo. Kahit na hinalal o inatasan kang maging lider, hindi ka parin magkakaroon ng kakayahang gawin ang gawain, kaya ano pa ang silbi niyon? Bagama’t matutugunan nito ang banidad mo, makakapinsala naman ito sa mga kapatid at makakaantala sa gawain ng iglesia. Kung matutugunan mo ang mga pamantayan para maging isang lider o manggagawa, at isa kang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka ring ilang patotoong batay sa karanasan, tiyak na magagawa mo nang mahusay ang trabaho mo bilang lider, dahil mayroon kang mga patotoong batay sa karanasang patotoo, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at kayang magbuhat sa mabigat na pasanin ng pagiging isang lider ng iglesia. Ang pagkakaroon mo ng pagkataong pasok sa pamantayan at mga partikular na kalakasan ay mga pangunahing pamantayan lamang para maitaguyod, malinang, at magamit ng sambahayan ng Diyos, pero kung magagawa mo ba nang mahusay ang trabaho bilang isang lider ay nakadepende sa kung mayroon ka bang tunay na karanasan at ng katotohanang realidad—ito ang pinakamahalaga. Ang ilang tao ay mga tamang tao at naghahangad sila sa katotohanan, pero mga tatlo hanggang limang taon pa lang silang nananampalataya at wala silang tunay na karanasan. Magagawa ba nang maayos ng mga gayong tao ang gawain ng isang lider ng iglesia? Natatakot Akong hindi sila magiging mahusay sa gawain. Saan sila nagkukulang? Wala silang praktikal na karanasan at hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan. Kahit na kaya nilang magsalita ng maraming salita at doktrina, hindi pa rin nila kayang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan. Kaya, hindi pa rin sila mahusay sa gawain ng isang lider at kailangan pa nilang magpatuloy sa pagsasanay para matamo ang pagkaunawa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Halimbawa, kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao at medyo tapat siya, at bihirang magsinungaling at mandaya, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin nang hindi nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, pero mahina siya sa paghahangad sa katotohanan, maaari bang linangin para maging isang lider o manggagawa ang gayong tao? Magiging napakahirap nito. Makakaya ba ng isang taong nakakatugon sa mga pamantayan ng pagtataguyod, paglilinang, at paggamit na maging isang taong naghahangad sa katotohanan kung itataguyod siya na bilang lider o manggagawa, kahit na hindi siya naghahangad sa katotohanan? Masisimulan ba niyang hangarin ang katotohanan? Makakapasok ba siya sa katotohanang realidad pagkatapos gumawa bilang isang lider o manggagawa sa loob ng ilang panahon? Magiging imposible iyon. Anuman ang mga pamantayang natutugunan ng isang tao, hangga’t hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, tiyak na hindi siya maaaring ihalal o itaguyod bilang isang lider o manggagawa. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao at kakayahan na pasok sa pamantayan, at kaya ring tumanggap sa katotohanan at sumailalim sa ilang pagbabago, kung gayon, maaari siyang itaguyod, linangin, at gamitin, at bilang resulta, makukuha niya ang pagkakataon na makapagsanay, makapasok sa katotohanang realidad, at makatahak sa landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Samakatwid, sinuman ang itaguyod ng sambahayan ng Diyos para maging lider, manggagawa, o superbisor, ang layon nito ay hindi para tugunan ang mga personal mong pagnanais at ambisyon, ni para ang tuparin ang iyong mga mithiin, kundi upang mabigyan ka ng kakayahang tumahak sa landas ng kaligtasan at maging isang taong naperpekto.

Tungko naman sa mga taong hindi sapat ang katalinuhan, mayroon din silang mga adhikain na gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at nais nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero wala silang karunungan, hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila makilatis ang anumang bagay. Sa isang pagkakataon, nakakaranas sila ng tukso at nahuhulog sila rito, at bilang resulta, ipinagkakanulo nila ang mga interes ng iglesia, ipinagkakanulo ang mga kapatid, at nagdudulot ng pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Paano natin dapat harapin at pakitunguhan ang ganitong uri ng mga tao na mapurol ang isip at kulang sa katalinuhan? Pagdating sa mga gayong tao na mapurol ang isip na walang espiritwal na pang-unawa at kulang sa katalinuhan, ang bawat kahuli-hulihan sa kanila ay dapat tanggalin at ilipat, at walang ni isa ang maaaring gamitin. Kung gagamitin ang gayong mga tao, maaari silang magdulot ng problema sa gawain ng sambahayan ng Diyos anumang oras—napakaraming aral na katulad nito. Sa panahon ngayon, maraming tao ang may kaunting wangis ng tao sa panlabas, pero hindi nila kayang magbahagi ng anumang katotohanang realidad. Matagal na silang nananampalataya sa Diyos pero nananatili sila sa ganitong kalagayan. Ang ugat ng problemang ito ay dapat makita nang malinaw; ito ay isang problema ng lubhang mahinang kakayahan at kawalan ng espiritwal na pang-unawa. Hinding-hindi magbabago ang gayong mga tao kahit gaano karaming taon silang nananampalataya sa Diyos, at wala silang nagawang makabuluhang pag-usad sa kabila ng lahat ng sermong napakinggan nila. Maaari lamang silang ilagay sa isang tabi, para magserbisyo sa anumang maliit na paraang kaya nila. Mabuting paraan ba ito ng pakikitungo sa kanila? (Oo, mabuti ito.) Ang ilang tao na kulang sa katalinuhan at walang kalakasan ay hindi makaunawa sa mga salita Diyos kahit ilang taon na nilang nabasa ang mga ito, at hindi rin nila nauunawaan ang mga sermon kahit ilang taon na nilang napakinggan ang mga ito. May silbi pa rin ba na magbigay ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa gayong mga tao? (Wala na.) Hindi dapat ibigay ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga taong kulang sa katalinuhan, dahil walang saysay na gawin ito at para lang din itong pag-aaksaya, at ang anumang naibigay sa kanila ay dapat bawiin kaagad. Hindi ito para pagkaitan sila ng karapatang magbasa ng mga salita ng Diyos, kundi dahil kulang ang katalinuhan nila. Kahit namumuhay ang mga gayong tao ng buhay-iglesia, hindi nila maunawaan ang katotohanan, lalo na ang gumawa ng isang tungkulin. Kagaya lang ng mga basura ang gayong mga tao. Dapat marunong kayong humawak ng basura. May mga tao na mukhang taos-puso sa panlabas, pero napakababa ng kanilang katalinuhan na hindi man lang nila magawa nang maayos ang anumang pisikal na gawain, at pumapalpak sila sa lahat ng ginagawa nila. Kapag may gawaing ipinagawa sa kanila, siguradong may masisira sila, kaya, hindi pwedeng gamitin ang mga taong gaya nito. Kung uutusan mo silang mag-igib ng isang balde ng tubig, masasagid nila ang isang bote ng mantika. Kung uutusan mo silang maghugas ng mangkok, makakabasag sila ng plato. Kung palulutuin mo sila, magluluto sila nang sobrang dami o hindi kaya ay sobrang kaunti, o kaya naman ay masyadong maalat o matabang. Isinasapuso naman nila ito, pero wala silang magawang maayos at hindi sila mahusay kahit na sa pisikal na trabaho. Magagamit ba ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung hindi sila magagamit, ano ang dapat ipagawa sa kanila? Nangangahulugan ba ito na hindi na sila pwedeng manampalataya sa Diyos at na ayaw na sa kanila ng sambahayan ng Diyos? Hindi, hindi iyon ang ibig sabihin. Huwag mo lang silang hayaan na gumawa ng tungkulin. Kung hindi nila ginagawa nang maayos ang mga bagay sa loob ng saklaw ng normal na buhay ng tao—kabilang na ang mga pang-araw-araw na karaniwang gawain at mga nakagawiang gawain ng pang-araw-araw na buhay—o kung wala silang kakayahang gawin ang mga bagay na ito, kung gayon ay hindi sila angkop na gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos.

Bagama’t hindi nagtataglay ng mabuting pagkatao o anumang espesyal na talento ang ilang tao, lalo pa’t hindi sila pwedeng linangin upang maging lider, kaya pa rin nilang gumawa ng ilang pisikal na gawain. Halimbawa, ang pagpapakain ng mga manok at pato, pagpapakain ng baboy, at pag-aalaga ng mga tupa ay mga trabahong kaya nilang gawin nang maayos. Kung bibigyan mo sila ng simpleng trabaho, kaya nila itong gawin nang maayos basta’t isinasapuso nila ito, at sa gayon ay kayang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao. Bagama’t ito ay iisa at simpleng gawain, kaya nilang isapuso ito at tuparin ang isang responsabilidad, at kaya rin nilang humingi sa kanilang sarili ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mahalaga kung malaki o maliit man ang gawain, o kung mahalaga ang gawain o hindi, kapag tapos na ang lahat, makakaya nilang gawin nang maayos ang iisang trabahong itinalaga sa kanila. Bukod sa kaya nilang magpakain nang maayos sa mga manok para mangitlog ang mga ito nang normal, kaya rin nilang protektahan ang mga manok sa pagkakatangay ng mga lobo. Kapag nakakarinig sila ng isang lobong umuungol, agad nilang ipapaalam ito sa kanilang superbisor, nagsusumikap na makaiwas sa anumang kapahamakan sa paggampan nila sa trabaho at gampaning ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kung ganito sila magtrabaho, medyo dedikado sila, at maituturing ito na pagkakaroon ng kakayahang tumupad sa kanilang responsabilidad at pagiging mahusay sa trabaho. Pero sa ibang aspekto gaya ng kanilang personal na buhay, at kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay, medyo nagkukulang sila; halimbawa, hindi nila alam kung paano makisalamuha at makipag-usap sa iba, o kung paano magbahagi sa iba tungkol sa kanilang kalagayan, at minsan ay matampuhin pa sila. Maituturing ba ito na problema? Ayos lang ba na hindi sila gamitin dahil sa mga isyung ito? (Hindi.) May ilang tao na hindi maalaga sa personal na kalinisan; hindi bababa sa sampung araw na hindi na nila nahuhugasan ang kanilang buhok at kadalasang masama ang amoy nila. Ang iba naman ay maingay kapag kumakain at umiinom habang nagpapahinga ang mga nasa paligid nila, at maingay rin sa iba pang oras, tulad ng kapag naglalakad, nagsasara ng pinto, at nakikipag-usap—wala silang pinag-aralan at walang mabuting asal. Paano dapat tratuhin ang mga gayong mga tao? Dapat maging maunawain ang lahat, tumulong, at sumuporta sa kanila nang may pusong mapagmahal, makipagbahaginan sa kanila tungkol sa kung ano ang normal na pagkatao at tulutan silang unti-unting magbago. Dahil magkakasama kayong lahat, kailangan ninyong matutong makibagay. Ang gayong mga tao ay pwedeng gamitin hangga’t kaya nilang gawin nang maayos ang kanilang trabaho, at isagawa ang trabaho, at hindi gumawa ng anumang bagay na nakakagambala o nakakagulo. May ilang tao na mautak, may mahusay na kakayahan, at masipag magtrabaho, at kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at maging mahusay sa mga trabahong itinalaga sa kanila, kaya maaari silang linangin at gamitin. Pero may ilang tao na sobrang mahina ang kakayahan na hindi nila kayang husayan ang kahit isang trabaho; kaya lang nilang magpakain ng mga manok, pero kung papakainin din nila ang mga pato at gansa, mabibigatan na sila at hindi nila alam kung paano ito gagawin. Hindi naman sa ayaw nila itong gawin nang maayos, kundi napakahina ng kakayahan nila. May limitasyon ang utak nila, marunong lamang silang gumawa ng iisang gampanin, at kapag binibigyan sila ng isa pang gampanin, hindi na nila ito kayang gawin. Hindi sila marunong magplano, kaya pumapalpak nalang sila. Ang gayong mga tao ay angkop lamang na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon. Huwag mo silang bigyan ng maraming trabaho, dahil hindi nila ito makakayang isagawa. Huwag mong isipin na kung kaya nilang gawin nang maayos ang isang gawain, tiyak na kaya rin nilang gumawa ng dalawa o tatlong gawain; hindi ito laging ganoon, at nakadepende ito sa kakayahan nila. Hayaan silang gumawa ng dalawang gawain muna. Kung mahusay ang kakayahan nila at kaya nilang isagawa ito, maaari kang magsaayos para sa kanila sa ganitong paraan. Kung hindi nila kayang pagsabayin ang dalawang gawain nang maayos, at pumalpak sila, ibig sabihin ay lampas ito sa kakayahan nila, kaya dapat mong alisin kaagad ang pangalawang gawain nila. Ito ay dahil sa pamamagitan ng obserbasyon at panahon ng pagsubok, natuklasan mo na angkop lang sila na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon, kaysa sa gumawa ng maraming komplikadong trabaho, at na wala silang kakayahan para dito. May ilang tao na medyo mautak at mahusay ang kakayahan, at kung bibigyan mo sila ng ilang trabahong gagawin, kaya nilang gawin ito nang maayos. Halimbawa, kung palulutuin mo sila ng mga pagkain, at uutusang pakainin ang mga sisiw, at mangalaga sa taniman ng gulay, kaya nilang ihanda ang mga pagkain araw-araw sa tamang oras habang inaalagaan ang taniman ng gulay sa kanilang mga libreng oras, maagap na dinidiligan ang inaalisan ng damo ang taniman, at pinapakain ang mga sisiw sa tamang oras. Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Dahil kakayahan nila ito, hayaan mo silang mangasiwa sa gawain ng iglesia at maging lider ng iglesia.” Ayos lang ba iyon? Bagama’t kaya nilang isagawa ang ilang pisikal na gampanin at pang-araw-araw na gawain, pagdating sa pagiging lider ng iglesia, nangangailangan iyon ng hiwalay na pagsusuri; hindi ito isang bagay masusukat batay lamang sa paggawa nila nitong mga simple at panlabas na gawain. Iyon ay dahil ang pagiging lider ng iglesia ay hindi isang pisikal na gawain, kailangan itong sukatin gamit ang mga prinsipyo ng pamumuno. Gayumpaman, kung nagtataglay ang taong ito ng kakayahan at talento na maging isang lider ng iglesia, at medyo mabuti ang pagkatao niya, hindi magiging marapat na italaga mo siya na gumawa ng mga panlabas na gawain; tinatawag iyon na hindi tamang paggamit sa mga tao. Sa pinakamainam, ang mga lider ng iglesia ay maaaring gumawa ng isang part-time na gawain na may kinalaman sa araw-araw na buhay, at medyo mas pagtutuunan nila ito ng pansin sa tuwing hindi sila abala—hindi sila mapapagod dito. Pagdating sa maliliit at mga nakagawiang bagay, at sa mga pisikal na gampaning ito, kayang gumawa ng mga tao ng marami batay sa makakaya nila. Mayroon bang sinuman na makakagawa ng lahat ng iyon? Mayroon bang sinuman na may ganoong kakayahan? (Wala.) Maaring sapat ang kanilang kakayahan at abilidad, pero may isang bagay na hindi magiging sapat, at iyon ang enerhiya nila. Ang mga tao ay mortal, may hangganan ang enerhiya nila, at limitado rin ang dami ng trabahong kaya nilang isagawa. Ang mga taong may mataas na enerhiya ay maaaring kayang magtrabaho hanggang hanggang 12 oras sa isang araw, samantalang ang mga taong may katamtamang enerhiya ay kadalasang nagtatrabaho nang walong oras, at ang mga taong may mababang enerhiya ay kaya lamang magtrabaho nang apat o limang oras. Kaya, ginagamit mo man ang isang tao para gumawa ng mga pisikal na gawain, gawain ng pamumuno sa iglesia, o gawain na nangangailangan ng mga propesyonal na kasanayan, kailangan mong isaalang-alang kung ano ang gawaing pinakanababagay para sa kanya, at pagkatapos italaga sa kanya ang pinakaangkop na gawain, kung hindi niya ito kayang gawin, magtalaga ka sa kanya ng ibang gawain. Kung hindi ka magtatalaga sa kanya ng gawaing ayon sa pinakanababagay niyang gawin, isa itong pagkakamali sa paraan ng paggamit mo ng mga tao. Para sa mga taong hindi pwedeng unahin sa pagtataguyod, paglilinang, at paggamit, kahit na ipagawa sa kanila ang mga pisikal na gawain, kailangang italaga sa kanila ang mga gawaing ito batay sa kanilang kakayahan at mga abilidad. Kung kaya pa rin nilang gumawa ng iba pang mga trabaho kasabay ng mahusay na paggawa sa isang trabahong itinalaga sa kanila, kung gayon ay maaaring ipagawa sa kanila ang ilang iba pang pisikal na gawain nang pansamantala, basta’t hindi nito naaapektuhan ang kanilang pangunahing trabaho. May ilang tao na malakas ang katawan at kayang gumawa ng tatlong gawain nang sunod-sunod; pagkatapos ng isang gawain, mayroon pa rin silang enerhiyang magagamit, at libre sila sa halos lahat ng oras. Ngunit bulag ang mga huwad na lider at hindi sila marunong maglaan ng gawain, at hindi nila napagtanto na problema ito, kaya, isang gawain lamang ang itinatalaga nila sa mga taong iyon, na isang pagkakamali.

Tinatalakay Ko ngayon lang ang tungkol sa mga taong kulang sa katalinuhan, na walang mga espesyal na kasanayan at may kakayahan lang na gumugol ng pisikal na lakas. Mayroon ding mga tao na may kaunting karamdaman at hindi nila kaya kahit ang gumugol ng pisikal na lakas, at sumasakit ang ulo nila, ang tiyan, o ang likod sa tuwing ginagawa nila ang anumang bagay na kahit katiting na pisikal. Ano ang dapat gawin tungkol sa pagtatalaga ng mga tungkulin sa mga ganitong uri ng tao, kung nababagay sila sa paggawa ng isang tungkulin? Dapat tingnan ang iba’t ibang aspekto, gaya ng kalagayan nila sa kalusugan at pati na ang pagkatao at kakayahan nila, upang matiyak kung sa anong mga tungkulin sila naaangkop gumawa sa sambahayan ng Diyos. Kung sobrang mahina ang kalusugan nila na hindi nila kayang gumawa ng anumang gawain, at kailangan nilang magpahinga nang ilang sandali pagkatapos magtrabaho, at kailangan din nila ng isang taong mag-aasikaso sa kanila, kung hindi nila magawa nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa at kailangan pa silang iparis sa isang taong pwedeng mag-alaga sa kanila, kung gayon, hindi talaga sulit ito. Ang gayong mga tao ay hindi angkop na gumawa ng tungkulin, kaya hayaan silang umuwi at magpagaling. Ano man ang gawin mo, huwag kang gumamit ng sinumang may malubhang karamdaman na kahit ihip ng hangin ay malamang na magtatangay sa kanya. Kung hindi masyadong mahina ang kalusugan niya at sadyang dumaranas siya ng pananakit sa tiyan kung kumakain siya sa maling oras, o sumasakit ang ulo niya kung ginagamit niya nang husto ang kanyang utak, kaya nakakapagtrabaho lamang siya ng tatlo o apat na oras na mas mababa kaysa sa isang normal na tao, o nakakagawa lang ng kalahating trabaho ng isang normal na tao, kung gayon, ang ganitong tao ay maaari pa rin gamitin hangga’t natutugunan niya ang ibang mga pamantayan. Maliban na lang kung sila mismo ang magbabanggit nito at magsasabing, “Masyadong mahina ang kalusugan ko para tiisin ang paghihirap na ito. Gusto kong umuwi para magpagaling. Kapag gumaling na ako, babalik ako at gagawin ko ang tungkulin ko,” kung gay0n, sumang-ayon ka na roon kaagad at huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip; hindi ito magkakaroon ng anumang epekto kahit na gawin mo ito. May isang kasabihan na, “Ang isang bagay na ginawa nang may pagkayamot ay hindi magdudulot ng mga kasiya-siyang resulta”; iba-iba ang pananalig, adhikain, at paghahangad ng bawat isa. Maaaring sinasabi ng ilang tao na: “Hindi kaya minsan ay masama lang ang pakiramdam nila at medyo mababa sa enerhiya? Maaaring sumama ang pakiramdam ng mga tao kung mali ang mga kinakain nila, pero pagkatapos ng ilang araw ay magiging maayos na sila; kailangan pa ba nilang umuwi at magpagaling? Hindi ba mawawala ang sakit ng ulo at pagkahilo nila pagkatapos ng mahimbing na tulog? Hindi ba sila makakapagtrabaho nang normal pagkatapos? Malaking bagay ba iyon?” Maaaring hindi ito malaking bagay para sa iyo, pero ang ilang tao ay naiiba sa ibang tao pagdating sa kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang katawan, at ang ilang tao naman ay talaga ngang may mga problema sa kalusugan. Sa gayong mga pagkakataon, kung hinihiling nilang umuwi para magpahinga at magpagaling, dapat sumang-ayon kaagad ang iglesia, huwag humingi sa kanila, huwag silang pahirapan, at lalong huwag magtangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. May ilang huwad na lider na patuloy na nanghihimok sa mga gayong tao, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Tingnan mo kung gaano kalawak ang naabot ng gawain ng Diyos ngayon. Palaki nang palaki ang mga sakuna, lumitaw na ang apat na dugo ng buwan, at ngayon ay talamak na ang pandemya na walang paraan para makaligtas ang mga walang pananampalataya! Ikaw ay nasa sambahayan ng Diyos, ginagawa ang iyong mga tungkulin at tinatamasa ang biyaya ng Diyos—hindi ka malalantad sa panganib at maaari ka ring magkamit ng katotohanan at buhay—napakalaking biyaya niyon! Walang kwenta ang maliit mong problemang ito. Kailangan mo itong lagpasan at manalangin sa Diyos. Tiyak na pagagalingin ka ng Diyos. Basahin mo lang ang mga salita ng Diyos, matuto ka ng ilang himno, at likas na gagaling ang karamdaman mo kung hindi mo ito masyadong iisipin. Hindi ba’t sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang pag-aalala sa sakit ay nagdadala ng sakit”? Nag-aalala ka sa sakit ngayon. Kung patuloy mong iisipin ang pagkakaroon ng sakit, magiging malubha ang sakit na ito. Kung hindi mo iisipin, mawawala ang ang karamdaman mo, hindi ba? Sa ganoong paraan, lalago ka sa pananalig at hindi mo gugustuhing umuwi para magpahinga. Ang pag-uwi mo para magpahinga ay tinatawag na pagnanasa sa mga kaginhawaan ng laman.” Huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, isang kahangalan na gawin iyon. Ni hindi nila kayang magtiis sa kaunting pansamantalang kawalan ng ginhawa at gusto lang nilang umuwi para magpahinga, at hindi man lang nila kayang lampasan ang isang maliit na suliranin, na nagpapatunay na hindi nila taos-pusong ginagawa ang kanilang tungkulin. Sa totoo lang, ang ganitong uri ng mga tao ay walang intensiyon na gawin ang kanilang tungkulin sa mahabang panahon, hindi nila ito ginagawa nang may sinseridad, at ayaw nilang magbayad ng halaga, at ngayon ay nakahanap sila sa wakas ng isang pagkakataon at dahilan para tuluyang makatakas. Sa puso nila, nagagalak sila na napakatalino nila at na dumating sa tamang panahon ang karamdamang ito. Kaya, anuman ang gawin mo, huwag mo silang hikayating manatili. Kapopootan nila ang sinumang magtatangkang hikayatin silang manatili, at susumpain nila ang sinumang magtatangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. Hindi mo ba naiintindihan ito? Siyempre, may ilang tao na talagang may sakit, at matagal na silang may karamdaman, at natatakot sila na kung magpapatuloy pa sila, manganganib ang buhay nila. Ayaw nilang magdulot ng anumang problema sa sambahayan ng Diyos, o makaapekto sa paggampan ng tungkulin ng ibang tao. Pakiramdam nila, sa sandaling bumagsak ang kanilang kalusugan, kakailanganin nilang umasa sa mga kapatid para alagaan sila, at hindi sila komportableng magpaalaga sa sambahayan ng Diyos, kaya naman, matalino silang nagkukusang humingi ng pahinga. Paano dapat harapin ang ganitong sitwasyon? Ganoon din, hayaan silang umuwi at magpahinga nang walang anumang dagdag na gulo. Hindi takot sa gulo ang sambahayan ng Diyos, ayaw lang nitong igiit ang mga bagay sa mga tao nang labag sa kalooban ng mga ito. Dagdag pa rito, lahat ng tao ay may ilang personal at tunay na suliranin. Lahat ng taong nabubuhay sa laman ay nagkakasakit, at ang mga karamdaman sa laman ay isang problemang umiiral sa realidad—iginagalang natin ang mga katunayan. May ilang tao na tunay na walang kakayahang gumawa sa kanilang mga tungkulin dahil sa malubhang karamdaman, at kung kailangan nila ang sambahayan ng Diyos para magbigay sa kanila ng mga kaginhawahan, o kung kailangan nila ang mga kapatid para magbigay ng mga lunas o mag-alok ng ilang suhestiyon sa paggamot, magiging masaya ang sambahayan ng Diyos na ibigay ang mga bagay na ito. Kung ayaw nilang abalahin ang sambahayan ng Diyos at mayroon silang pera, mga paraan, at kakayahan na umalis at magpagamot ng karamdaman nila, ayos lang din iyon. Sa kabuuran, kung dahil sa kalusugan nila ay hindi nila magawang magpatuloy sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos o magpatuloy na malinang ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, maaari silang makatwirang humingi, at agad itong sasang-ayunan ng sambahayan ng Diyos. Walang sinuman ang dapat magpayo sa kanila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, o magpataw ng mga hinihingi, dahil hindi iyon magiging marapat at wala iyong pagkamakatwiran. Ito ang mga pagsasaayos na ginagawa para sa ganitong uri ng mga tao.

Paano Tratuhin ang Ilang Espesyal na Uri ng Tao

I. Paano Tratuhin ang mga Taong Hindi Nag-aasikaso sa Kanilang Marapat na Gawain

Ang ilang tao ay mayroong pasadong pagkatao, mayroon silang mga kalakasan at matalas na pag-iisip, nagsasalita sila nang normal, madalas silang napakaoptimistiko, at masyado silang aktibo sa paggawa ng kanilang tungkulin, ngunit mayroon silang isang kapintasan, at iyon ay pagiging masyadong sentimental nila. Habang sumusunod sa Diyos at gumagawa ng kanilang tungkulin sa iglesia, palagi silang nangungulila sa kanilang pamilya at mga kamag-anak, o palagi silang nag-iisip tungkol sa pagkain ng masasarap na pagkain sa kanilang bayan, at nasasaktan ang damdamin nila na hindi nila ito magawang kainin, na nakakaapekto sa paggampan nila ng kanilang tungkulin. May isa pang uri ng tao, na gustong mamuhay nang mag-isa sa isang lugar, sa sarili nilang pribadong espasyo. Kapag kasama nila ang mga kapatid, pakiramdam nila ay masyadong mabilis ang takbo ng gawain at na wala silang pribadong lugar na matitirhan. Palagi silang napi-pressure, at palaging napipigilan at hindi komportableng namumuhay kasama ng mga kapatid. Palagi nilang gustong gawin ang anumang nais nila at maging malayang magpakasasa. Ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin kasama ng iba, palagi nilang iniisip na makauwi. Palagi silang hindi nasisiyahan sa paggawa ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Bagama’t madaling pakitunguhan ang mga kapatid at walang nang-aapi sa kanila sa sambahayan ng Diyos, medyo nahihirapan silang sumunod sa iskedyul ng gawain at pahinga—kapag gising na ang lahat sa umaga, gusto nilang patuloy na matulog, pero nahihiya silang gawin iyon, at kapag nagpapahinga na ang iba sa gabi, ayaw nilang matulog at palagi nilang gustong gumawa ng isang bagay na kinaiinteresan nila. Minsan, may isang partikular na pagkain na talagang gusto nilang kainin, pero wala ito sa kantina, at masyado silang nahihiyang humingi nito. Minsan naman, gusto nilang maglakad-lakad, pero walang ibang humihiling na gawin ito, kaya’t hindi sila naglalakas-loob na pagbigyan ang kanilang sarili. Palagi silang maingat at mapagbantay, at takot na mapagtawanan, maliitin, o matawag na parang bata. Kapag hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin, minsan ay napupungusan sila sa huuli. Araw-araw silang nababalisa, na parang sumusuong sila sa panganib, at hindi talaga sila masaya. Iniisip nila, “Naaalala ko noong nasa bahay ako, ako ang munting sanggol ng pamilya, malaya at hindi napipigilan, na parang isang munting anghel. Napakasaya ko noo! Ginagawa ko ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos ngayon, bakit nawala ang dating ako? Hindi ko na nagagawa ang anumang gusto ko, na madalas kong ginagawa noon,” at kaya, ayaw nilang mamuhay sa ganitong klase ng buhay. Pero hindi sila nangangahas na banggitin ito sa lider nila, at palagi nilang ibinabahagi ang mga kaisipang ito sa mga taong nasa paligid nila, palagi silang nangungulila sa kanilang tahanan, at palihim na umiiyak sa gabi. Ano ang dapat gawin sa ganitong uri ng mga tao? Ang sinumang may kamalayan sa usaping ito ay dapat mag-ulat tungkol dito kaagad, dapat tiyakin kaagad ng lider kung totoo ang ulat o hindi, at kung totoo, maaaring payagang umuwi ang taong iyon. Tinatamasa nila ang mga pagkain, inumin at mabuting pakikitungo ng sambahayan ng Diyo pero ayaw pa rin nilang gawin ang kanilang tungkulin at palaging masama ang lagay ng loob nila, naaagrabyado at malungkot, kaya pauwiin mo na sila sa lalong madaling panahon. Hindi pansamantala ang ganitong lagay ng loob ng mga ganitong uri tao, at hindi rin nila nilulutas ang mga ito sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa mga bagay-bagay—hindi ganoon ang sitwasyon nila. Ang personal na kagustuhan ng ilang tao ay ang gawin nang matatag ang kanilang tungkulin, at bagama’t nangungulila sila sa kanilang tahanan, alam nila kung anong uri ng problema ito, at nagagawa nilang hanapin ang katotohanan at lutasin ito. Sa sitwasyon ng mga taong ito, hindi kinakailangang pauwiin sila o mag-alala tungkol sa kanila. Ang sitwasyong pinag-uusapan natin ay kapag ang mga taong nasa edad na 30 ay kumikilos pa rin na parang bata, na hindi kailanman nagma-mature at palaging pabago-bago. Ginagawa lang nila ang anumang ipinapagawa sa kanila, at kapag wala silang magawa, iniisip nila na magsaya at makipag-usap tungkol sa mga paksang walang kinalaman, at hindi nila kailanman nais na asikasuhin ang marapat nilang gawain. Pinag-uusapan ng mga walang pananampalataya ang tungkol sa pagiging matatag sa edad na 30. Ang pagiging matatag ay nangangahulugan ng pag-aasikaso sa marapat na gawain, pagkakaroon ng kakayahang umako ng trabaho at tustusan ang sarili, pagiging marunong umasikaso sa marapat na gawain, paggugol ng mas kaunting oras sa pagsasaya, at hindi pagpapaliban sa marapat na gawain. Ano ang ibig sabihin ng “kumikilos na parang bata”? Ibig sabihin nito ay kawalan ng kakayahang magsagawa ng anumang marapat na gawain, palaging gustong hayaan lang na maglakbay ang isipan, at palaging gustong maglakad-lakad, gumala, makipagkulitan, kumain ng meryenda, manood ng drama, makipagkuwentuhan tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan, maglaro, at mag-browse sa internet ng mga kakaiba o kakatwang kwento. Ibig sabihin nito ay hindi sila kailanman nahihikayat na dumalo sa mga pagtitipon, palaging gustong matulog sa tuwing dinaraos ang mga pagtitipon, palaging gustong matulog sa sandaling inaantok sila, at palaging gustong kumain sa sandaling nagugutom sila, pagiging sutil at hindi gustong mag-asikaso sa kanilang marapat na gawain. Ang mga taong gaya nito ay hindi masasabing mayroong masamang pagkatao, sadyang hindi sila kailanman nagma-mature at nananatili silang parang bata. Ganito sila sa edad na 30, at ganito pa rin sila sa edad na 40; wala silang kakayahang magbago. Kung hihilingin nila na umalis at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin, paano ito dapat harapin? Hindi sila hinihimok ng sambahayan ng Diyos na manatili. Dapat mo silang kausapin kaagad—hayaan silang umalis kaagad at umuwi kasama ang mga walang pananampalataya, at sabihin mo sa kanila na huwag na huwag nilang sasabihin na nananampalataya sila sa Diyos. Makakamit ba ng mga taong hindi nag-assikaso sa kanilang marapat na gawain ang katotohanan? Kung umaasa kang lalago sila sa kanilang pagkatao at aasikasuhin nila ang kanilang marapat na gawain sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, na magkakaroon sila ng kakayahang pumasan ng isang mahalagang aytem ng gawain, at pagkatapos ay makakaunawa at makapagsasagawa sa katotohanan, at makakapagsabuhay ng wangis ng tao, talagang hindi ka dapat umasa rito. Makakahanap ka mga taong gaya nito sa anumang grupo. May palayaw ang mga walang pananampalataya para sa ganitong uri ng mga tao: “matatandang bata.” Ang gayong mga tao ay maaaring umabot sa edad na 60 nang hindi pa kailanman nakapag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain. Hindi wasto ang kanilang paraan ng pagsasalita at pangangasiwa sa mga bagay-bagay, palagi silang tumatawa, nagbibiruan, at tumatalon-talon sa paligid, wala silang anumang ginagawa nang seryoso, at talagang nakatuon lang sila sa pagsasaya. Hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao

Sa tingin ba ninyo ay masama ang mga “matandang bata” na ito? Masasamang tao ba sila? (Hindi.) Ang ilan sa kanila ay hindi masasamang tao, medyo simple lang sila, at hindi naman masama. Ang ilan sa kanila ay medyo mabait at handang tumulong sa iba. Pero lahat sila ay may iisang kapintasan—sila ay mga sutil, mahilig magpakasaya, at hindi nila inaasikaso ang kanilang marapat na gawain. Halimbawa, sabihin nating may isang babae na pagkatapos magpakasal, hindi siya natututong gumawa ng anumang gawaing-bahay. Nagluluto lang siya kapag siya ay masaya, pero hindi siya nagluluto kapag hindi siya masaya—palagi siyang kailangan pang suyuin. Kapag may gustong ipagawa sa kanya ang isang tao, kailangan nitong makipagsundo sa kanya, at kailangan siyang bantayan. Mahilig siyang magbihis nang maayos para makapamasyal sila, bumili ng mga damit at kolorete, at magpa-beauty treatment. Pag-uwi niya, wala siyang ginagawa kahit isang gawaing-bahay, at gusto lang niyang maglaro ng baraha at mahjong. Kung tatanungin mo siya kung magkano ang kilo ng repolyo, wala siyang alam; kung tanungin mo siya kung ano ang kakainin niya bukas, wala rin siyang alam doon; at kung magpapaluto ka sa kanya, papalpak lang siya rito. Kaya, sa anong bagay ba siya pinakamahusay? Pinakamahusay siya sa mga bagay tulad ng pag-alam kung aling restawran ang may pinakamasarap na pagkain, kung aling tindahan ang may mga pinakausong damit, at kung aling tindahan ang nagtitinda ng mga mura at epektibong pampaganda, pero wala siyang nauunawaan o natututunang ibang bagay gaya ng kung paano palipasin ang mga araw niya, o ng mga kasanayan na kinakailangan sa normal na buhay ng tao. Hindi ba’t hindi niya natututunan ang mga bagay na ito dahil wala siyang sapat na kakayahan? Hindi, hindi iyon ang dahilan. Batay sa mga bagay na kung saan siya mahusay, mayroon siyang kakayahan, pero hindi lang niya inaasikaso ang kanyang marapat na gawain. Hangga’t may pera siyang magagastos, lalabas siya para kumain sa mga restawran at bumili ng mga kolorete at damit. Kung kinapos ng mga kaldero at kawali sa bahay at inutusan siyang bumili ng ilan, sasabihin niya, “May masasarap na pagkain na ibinebenta sa labas, bakit ko pa kailangang bilhin ang lahat ng iyan?” Kung nasira ang vacuum cleaner sa bahay, at inutusan siyang bawasan ng isa ang pamimili niya ng damit para makatipid ng pera at makabili ng bagong vacuum cleaner, sasabihin niya, “Kapag kikita na ako ng pera sa hinaharap, uupa ako ng kasambahay para maglinis ng bahay, kaya hindi na kailangang bumili ng vacuum cleaner.” Kadalasan, kung hindi siya naglalaro o nagma-mahjong, bumibili siya ng mga bagong uso na damit, at hindi siya kailanman naglilinis ng bahay. Hindi ito pag-aasikaso ng marapat na gawain, hindi ba? Mayroon ding ilang lalaki na, sa sandaling kumita sila ng kaunting pera, bumibili ng kotse o nagsusugal gamit ang perang ito. Kapag may nasira sa bahay, hindi nila iyon inaayos. Hindi nila pinapalipas ang kanilang mga araw sa tamang paraan. Sa bahay nila, hindi gumagana ang kanilang refrigerator, gayundin ang washing machine, barado ang mga tubo, at tumutulo ang bubong kapag umuulan, at hindi nila inaayos ang mga ito sa loob ng mahabang panahon. Ano ang tingin ninyo sa mga gayong tao? Hindi nila inaasikaso ang marapat nilang gawain. Lalaki o babae man sila, hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga uri ng tao na sobrang sutil at hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain.

May ilang tao na hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain bilang mga magulang, at hindi rin nila naaalagaan nang maayos ang kanilang mga anak. Bilang resulta, napapaso ng kumukulong tubig o nagkakaroon ng pasa at galos ang kanilang mga anak; ang ilang anak ay humahantong sa pagkabasag ng kanilang ilong, ang iba ay napapaso ang pang-upo sa kalan, at ang iba naman ay nasusunog ang lalamunan matapos makainom ng kumukulong tubig. Ang mga ganitong uri ng tao ay hindi maasikaso sa anumang ginagawa nila, at wala siyang kakayahang gumawa nang maayos sa anumang bagay. Hindi nila inaasikaso ang kanilang marapat na gawain, nagloloko sila, sutil sil at nilang gawin—nagpapalipas lang sila ng oras, matitigas ang ulo, mahilig sa kasiyahan, at hindi nila kayang pumasan ng mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang tao. Bilang mga magulang, hindi nila kayang tuparin ng kanilang mga responsabilidad at hindi sila maasikaso. Kaya, kaya bang pasanin ng gayong mga tao ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng mga normal na tao kapag gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Hindi, talagang hindi. Hindi magagamit ang mga taong hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain. Kung sasabihin nilang ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin at hihilingin nilang umuwi, hayaan na lang silang umalis kaagad. Walang sinuman ang dapat pumilit o maghikayat sa kanila na manatili, dahil isa itong problema sa kanilang kalikasan, hindi ito isang pansamantala at panandaliang pagpapamalas lamang. Puno ng maling akala ang mga taong ito noong pumasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin; inakala nila na ang paggawa ng tungkulin at pagsunod sa Diyos ay parang pagpunta sa Hardin ng Eden, na parang nasa mabuting lupain ng Canaan. Kamangha-mangha ang buhay na naisip nila, na may kasamang magagandang bagay na makakain at maiinom buong araw, kalayaan at walang pagpigil, at walang anumang gawaing kailangang gawin. Gusto nilang mamuhay ng walang alalahaning buhay ng pagliliwaliw, pero ganap na naiiba sa inaasahan nila ang kinalabasan. Sapat na ang naranasan ng mga taong ito, at pakiramdam nila ay nakakabagot at walang kabuhay-buhay rito, at gusto na nilang umalis, kaya hayaan na lang silang umalis kaagad; hindi hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito na manatili. Hindi rin pinipilit ng Diyos ang ang mga tao, at hindi rin ninyo ito dapat gawin; ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Dapat ninyong gawin ang mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat kayong maging isang tao na nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, isang matalinong tao—huwag maging isang taong magulo ang isip, o isang walang pinipiling mapagpalugod ng tao. Sa ganitong paraan mo pangasiwaan ang mga uri ng taong hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain—maituturing ba ito na kawalan ng pagmamahal o hindi pagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na magsisi? (Hindi.) Patas ang Diyos sa lahat, at may karapatan ang sambahayan ng Diyos na itaguyod, linangin, at gamitin ka. Kung ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hihilingin mo na umalis sa iglesia, iyon ay malaya mong kapasyahan, kaya dapat sang-ayunan ng iglesia ang kahilingan mo, tiyak na hindi ka nito pipilitin. Ito ay alinsunod sa moralidad, sa pagkatao, at siyempre, alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay isang napakawastong paraan ng pagkilos! Kung may sinuman na gagawa ng kanyang tungkulin sa loob ng ilang panahon, at napapagod at nahihirapan siya sa tungkuling ito, at hindi na masayang gawin ito, at dahil dito ay gusto nang bitiwan ang kanyang tungkulin at tumigil sa pananampalataya sa Diyos, bibigyan Kita ng isang tiyak na tugon ngayon, na sasang-ayunan ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka nito kailanman pipilitin na manatili, o gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo. Walang mahirap na kalagayan dito, at hindi mo kailangang maramdaman na parang nag-aalangan ka, o napapahiya. Lalong hindi ito isang isyu para sa sambahayan ng Diyos, at wala ring mga hinihingi sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, kung gusto mong umalis, hindi ka kokondenahin o hahadlangan ng sambahayan ng Diyos, dahil ito ang landas na pinili mo, at maaari lamang tugunan ng sambahayan ng Diyos ang mga hinihingi mo. Ito ba ay wastong paraan ng pagkilos? (Oo.)

Kakalista Ko lang ng ilang sitwasyon kung saan hindi inaasikaso ng mga tao ang kanilang marapat na gawain. Hindi pipilitin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito; kung ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin o mayroon silang ilang personal na suliranin at hinihiling nila na hindi na gumawa ng tungkulin, kung gayon, sasang-ayon ang sambahayan ng Diyos. Hindi na sila gagamitin nito, at hindi na sila nito hahayaang gumawa ng tungkulin. Ganito pinangangasiwaan ang mga gayong tao, at ito ay isang ganap na wastong paraan ng pagkilos.

II. Paano Tratuhin ang mga Hudas

May ilang tao na lubhang mahina ang loob, at sa tuwing nababalitaan nila na naaresto ang isang kapatid, labis silang natatakot na sila mismo ay maaresto rin. Malinaw na kung maaaresto nga sila, may panganib na ipagkakanulo nila ang iglesia. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? Angkop ba ang mga taong ito na gumawa ng ilang mahalagang tungkulin? (Hindi, hindi sila angkop.) Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Sino ang makakagarantiya na sila mismo ay hindi magiging Hudas?” Walang makakagarantiya na hindi sila magiging Hudas kung sila ay pahihirapan. Kaya, bakit hindi gumagamit ang sambahayan ng Diyos ng mga duwag na tao na maaaring maging Hudas? Dahil ang mga taong halatang duwag ay maaaring maaresto at magkanulo sa iglesia anumang oras; kung gagamitin ang gayong mga tao na gumawa ng mahalagang tungkulin, napakalaki ng tendensiya na magkakagulo. Ito ay isang prinsipyo na kailangang maunawaan kapag pumipili at gumagamit ng mga tao sa mapanganib na kapaligiran sa mainland China. May espesyal na sitwasyon dito, na kung saan ay isinailalim ang ilang tao sa matindi at matagal na pagpapahirap, na naglagay sa buhay nila sa panganib, at sa huli, hindi na talaga nila ito kayang tiisin, kaya’t naging mga Hudas sila dahil sa kahinaan at ipinagkanulo nila ang iglesia sa pamamagitan ng paglalantad ng mga walang kabuluhang bagay. Walang nakakakilatis sa mga gayong tao, at maaari pa ring gamitin ang mga taong ito. Ngunit may mga tao rin na nakapaghanda na ng daan palabas para sa kanilang sarili bago pa sila maaresto. Matagal at masusi nilang pinag-isipan ang tungkol sa kung paano matitiyak ang kanilang agarang paglaya pagkatapos maaresto, nang hindi na kailangan pang sumailalim sa anumang pagpapahirap—una, pag-iwas sa pagpapahirap, pangalawa, pag-iwas na masentensiyahan, at pangatlo, pag-iwas sa pagkakulong. Ganito sila mag-isip. Wala silang kapasyahan na mas gugustuhin nilang magdusa o makulong kaysa maging isang Hudas. Baka ipagkanulo nila ang iglesia kahit pa hindi sila pahirapan, kaya, masasabi ba mga Hudas na sila bago pa man sila maaresto at makulong? (Oo.) Ito ang mga tunay na Hudas. Nangangahas ba ang iglesia na gamitin ang ganitong klase ng mga tao? (Hindi.) Kung matutukoy sila, tiyak na hindi sila dapat linangin at gamitin. Paano karaniwang ipinapamalas ng mga taong ito ang sarili nila? Lubha silang may mahinang loob. Sa sandaling may mangyaring problema, iniiwasan nila ang kanilang mga responsabilidad sa pinakamaagang pagkakataon, at sa tuwing nakakaranas sila ng katiting na panganib, tinatalikuran nila ang kanilang tungkulin at umaalis. Sa tuwing nababalitaan nila na naging mapanganib na ang kapaligiran, naghahanap sila ng ligtas na lugar na mapagtataguan; magtago; walang makakahanap sa kanila at hindi sila nakikipag-ugnayan sa kahit kanino. Ang pagtatago ay isang gawaing napakahusay nilang nagagawa. Wala silang pakialam sa kahit anong paghihirap na nararanasan ng gawain ng iglesia, at kayang-kaya nilang isantabi ang anumang uri ng kritikal na gawain; itinuturing nilang mas mahalaga ang kanilang seguridad kaysa sa anumang ibang bagay. Higit pa rito, sa harap ng panganib, hihimukin nila ang ibang tao na sumuong sa panganib at magbakasakali sa tuwing may nangyayari, habang pinoprotektahan nila ang kanilang sarili. Sa gaano man kalaking panganib nila ipinahamak ang ibang tao, sa tingin nila ay karapat-dapat at tama lang na gawin ito alang-alang sa sarili nilang seguridad. Isa pa, kapag nahaharap sa panganib, hindi sila nagmamadaling humarap sa Diyos para magdasal, o nagmamadaling magsaayos sa paglilipat ng mga kapatid o ari-arian ng iglesia na maaaring nanganganib. Sa halip, iniisip muna nila kung paano makatakas, kung paano magtago, at kung paano sila makawala sa panganib. Nagawa na nga nila ang kanilang plano ng pagtakas—kung sino ang unang ipagkakanulo kung maaaresto sila, kung paano makakaiwas sa pagpapahirap, kung paano makakaiwas sa sentensiya sa kulungan, at kung paano makakaiwas sa kapighatian. Sa tuwing nahaharap sila sa isang uri ng kapighatian, para silang mamamatay sa takot at wala silang ni katiting na pananalig. Hindi ba’t mapanganib ang ganitong uri ng mga tao? Kung ipinapagawa sa kanila ang isang mapanganib na gawain, walang tigil silang nagmamaktol tungkol dito, natatakot sila at palagi nilang iniisip na tumakas, at ayaw gawin ito. Ang mga ganitong uri ng tao ay nagpapakita na ng mga palatandaan ng pagiging Hudas bago pa man sila maaresto. Sa sandaling maaresto nga sila, isang daang porsiyento ang katiyakan na ipagkakanulo nila ang iglesia. Sa paggawa ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, talagang aktibo sila sa lahat ng bagay na magdadala sa kanila sa sentro ng atensiyon nang hindi sila inilalantad sa panganib; ngunit pagdating sa pagharap sa mga panganib, umaatras sila, at kung may ipapagawa ka sa kanila na isang bagay na delikado, hindi nila iyon gagawin, ayaw lang nilang tumanggap ng responsabilidad. Sa sandaling mabalitaan nila na may panganib sa isang lugar, halimbawa, na nagsasagawa ng mga pang-aaresto ang malaking pulang dragon, o na nahuli na ang ilang mananampalataya, humihinto sila sa pagdalo sa mga pagtitipon, tumitigil sila sa pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, at walang makakahanap sa kanila. Muli silang nagpapakita kapag humupa na ang mga sabi-sabi at maayos na ang lahat. Maaasahan ba ang ganitong uri ng mga tao? Kaya ba nilang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? Ni wala nga silang kapasyahan o adhikain na hindi maging mga Hudas; sila ay mga duwag, bahag ang buntot, at walang kwenta. May isang halatang katangian ang mga ganitong uri ng tao, na anuman ang mga kalakasan at abilidad na taglay nila, kung gagamitin sila ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman ilalaan ang kanilang sarili nang buong-puso sa pagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi kaya’t hindi nila ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay dahil wala silang kakayahang gawin iyon? Hindi, hindi ito ang kaso; kahit pa mayroon silang ganitong abilidad, hindi nila ipagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sila ay mga tipikal na Hudas. Sa tuwing kailangan nilang makitungo sa mga walang pananampalataya sa panahong ginagawa nila ang kanilang tungkulin, pinananatili nila ang magandang relasyon sa mga ito at tinitiyak nilang patuloy silang hinahangaan, iginagalang, at pinahahalagahan ng mga walang pananampalataya. Ano, kung gayon, ang halaga para matamo nila ang lahat ng ito? Iyon ay ang pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos kapalit ng kanilang personal na kaluwalhatian at mga interes. Ang ganitong uri ng tao ay talagang duwag kahit bago pa man maaresto, at pagkatapos maaresto, isang daang porsiyentong sigurado na siya ay magiging isang traydor. Tiyak na hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga taong gaya nito—ang mga Hudas na ito—at kailangan silang itiwalag ng sambahayan ng Diyos sa lalong madaling panahon.

Tungkol sa uri ng mga tao na mga Hudas, bagama’t sa panlabas ay hindi sila mukhang masasama, sila ay talagang mga taong may lubhang mababang integridad at maladiyablong katangian. Gaano man sila makinig sa mga sermon o magbasa ng mga salita ng Diyos, talagang hindi nila maunawaan ang katotohanan, at hindi rin nila nararamdaman na ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay ang pinakanakakahiya, buktot, at malupit na bagay. Handa silang magkusang-loob pagdating sa mga bagay na mapapansin sila, pero pagdating sa mga bagay na delikado, o mahirap harapin, hinahayaan nila ang iba na akuin o asikasuhin ang mga ito. Anong klaseng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay mga taong lubhang mababa ang integridad? Ang ilang tao ay bumibili ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, at sa paggawa nito, dapat nilang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at maging patas at makatwiran. Gayumpaman, ang klase ng mga tao na mga Hudas ay hindi lamang nabibigong ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, tinutulungan nila ang mga walang pananampalataya kapalit ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, at tinutugunan ang mga hinihingi ng mga walang pananampalataya sa bawat pagkakataon, at mas gugustuhin nilang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kung matutulungan sila nitong magpalakas sa mga walang pananampalataya. Ito ay tinatawag na pagkagat sa kamay na nagpapakain sa iyo, at ito ay kawalan ng kabutihan! Hindi ba’t ito ay pagkakaroon ng kasuklam-suklam na pagkatao? Hindi ito mas mainam kaysa sa pagkakanulo ni Hudas sa Panginoon at sa mga kaibigan niya. Anuman ang ipinagkakatiwala ng sambahayan ng Diyos na gawin nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag may ipinapabili sa kanila na isang bagay, hinding-hindi sila naglilibot at nagkukumpara ng mga presyo, kalidad, o serbisyong pagkatapos ng benta ng iba’t ibang suplayer, at pagkatapos ay maingat nilang tinitimbang ang mga mapagpipilian at isinasagawa ang mga tamang pagsusuri, upang makaiwas sa pandaraya, makatipid sa pera ng sambahayan ng Diyos, at maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pagkakapinsala—hindi nila kailanman ginagawa iyon. Kung iminumungkahi ng isang kapatid na pinakamainam na maglibot-libot muna, sasabihin nila, “Hindi na kailangang maglibot-libot; sabi ng suplayer, pinakamaganda ang mga tinda nila.” Kapag tinatanong sila ng mga kapatid, “Kung gayon, pwede ka bang tumawad sa presyo sa kanila?” sasagot sila, “Bakit pa kailangang tumawad? Sinabi na nila sa akin kung ano ang presyo, at kung makikipagtawaran pa ako sa kanila, tiyak na nakakahiya iyon, magmumukha tayong walang pera. Mayaman naman ang sambahayan ng Diyos, hindi ba?” Ano man ang presyo ng isang bagay o ang kalidad nito, basta’t sa tingin nila ay angkop ito, ipapabili nila agad ito, at pupunain, pagagalitan, at kokondenahin pa nga ang sinumang magpapaliban sa pagbili. Walang nangangahas na magsabi ng “hindi” sa harap nila, at walang nangangahas na magbigay ng anumang opinyon. Gumagawa man sila ng isang malaking gawain o may maliit na atupagin para sa sambahayan ng Diyos, ano ang kanilang mga prinsipyo? “Kailangan lang na magbayad ng pera ang sambahayan ng Diyos, at napipinsala man o hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala itong kinalaman sa akin. Ganito lang talaga ako magtrabaho; kailangan kong bumuo ng magandang ugnayan sa mga walang pananampalataya. Kung ano man ang sabihin ng mga walang pananampalataya ay tama, at susunod ako rito. Hindi ko pangangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kung gusto mo akong gamitin, gamitin mo; kung ayaw mo akong gamitin, eh di huwag—bahala ka. Ganito lang talaga ako!” Hindi ba’t maladiyablong kalikasan ito? Ang gayong mga tao ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. Maaari ba silang gamitin para mangasiwa ng mga gawain para sa sambahayan ng Diyos? Ang ganitong tao ay may kaunting pinag-aralan, kalakasan, at ilang panlabas na abilidad, at magaling magsalita, at kayang mangasiwa ng gawain. Pero kahit anong mga pangyayari ang pinangangasiwaan nila para sa sambahayan ng Diyos, di-maiiwasang ginagawa nila ito nang walang ingat at ayon lamang sa kanilang gusto, na nagdudulot ng pinsala sa interes ng sambahayan ng Diyos Patuloy rin nilang nililinlang ang sambahayan ng Diyos at itinatago ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, at sa sandaling pumalpak sila sa mga bay-bagay, kinakailangang magsaayos ang sambahayan ng Diyos ng isang tao na maglilinis ng kanilang kalat. Ito ay isang tipikal na halimbawa ng pakikipagsabwatan sa mga tagalabas para ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Paanong naiiba ito sa pagkakanulo ni Hudas sa Panginoon at mga kaibigan niya? Kapag ang ganitong uri ng mga tao ay ginamit para gumawa ng tungkulin, hindi lamang sila nabibigong magserbisyo sa sambahayan ng Diyos, kundi lumalabas na sila ay mga bulagsak at tagahatid pa ng kamalasan. Ni hindi sila kalipikadong maging mga tagapagserbisyo; sila ay mga mababang-uri, payak at simple! Ang gayong mga tao ay eksaktong mga utusan ni Satanas at mga supling ng malaking pulang dragon, at sa sandaling mabunyag sila, dapat silang paalisin at itiwalag kaagad. Bilang isang mananampalataya sa Diyos at kasapi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila matupad ang kanilang responsabilidad na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, mayroon pa ba silang konsensiya at katwiran? Mas masahol pa sila sa isang asong tagapagbantay!

Ang uri ng mga tao na mga Hudas ay walang nakapaskil na salitang “Hudas” sa kanilang noo, pero ang asal at mga kilos nila ay eksaktong parehong kalikasan ng kay Hudas, hinding-hindi mo dapat gamitin ang ganitong klase ng tao. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hinding-hindi dapat gamitin”? Ibig sabihin nito ay na hinding-hindi sila dapat, kahit kailan na pagkatiwalaan ng mahahalagang bagay. Kung ito ay isang maliit bagay na walang mga implikasyon sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ayos lang na gamitin sila pansamantala, pero ang ganitong klaseng tao ay tiyak na hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao, dahil sila ay ipinanganak na Hudas, at likas silang masama. Sa madaling salita, mapanganib ang mga taong ito at tiyak na hindi dapat gamitin. Habang mas tumatagal ang paggamit mo sa ganitong uri ng mga tao, mas hindi ka mapapanatag, at mas dumarami ang epekto nito sa hinaharap. Kaya, kung malinaw mo nang nakikita na sila ang uri ng mga tao na mga Hudas, talagang hindi mo sila dapat gamitin—ang totoo ang lahat ng ito. Wasto ba na kumilos nang ganito sa kanila? Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Hindi mapagmahal na kumilos nang ganito sa kanila. Hindi nila ipinagkanulo ang kahit sino; paanong masasabi na mga Hudas sila?” Kailangan mo pa bang hintayin na may ipagkanulo sila? Paano ipinamalas ni Hudas ang sarili niya? Nagkaroon ba ng anumang senyales na ipagkakanulo niya ang Panginoon? (Oo, nagnakaw siya ng pera mula sa lukbutan ng Panginoong Jesus.) Ang mga taong palaging nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay may parehong kalikasan ni Hudas, na nagnakaw ng pera sa lukbutan. Sa sandaling maaresto ang mga taong gaya nito, magkakanulo sila, at isusuko kay Satanas ang lahat ng nalalaman nila, nang walang anumang pag-aalinlangan. Ang ganitong klase ng tao ay may diwa ni Hudas. Malinaw nang naibunyag at nailantad ang diwa niya; kung gagamitin mo pa rin siya, hindi ba’t naghahanap ka lang ng problema? Hindi ba’t sinasadya nitong pinsalain ang sambahayan ng Diyos? Hayagang sinasabi ng ilang tao, “Kung pupungusan ako ng sinuman, o kung may gagawin ang kahit sino na anumang bagay na nakakapinsala sa aking mga interes o nakakasira sa magandang kalagayan ko rito, matitikman din niya ang nararapat sa kanya!” Lalo pang masasabi sa ganitong sitwasyon ay may diwa ni Hudas ang ganitong uri ng tao; napakalinaw nito. Sila mismo ang nagsasabi sa iba na sila ay Hudas, kaya, ang ganitong uri tao ay tiyak na hindi maaaring gamitin.

III. Paano Tratuhin ang mga Kaibigan ng Iglesia

May isa pang uri ng mga tao na hindi maituturing na mabuti o masama, at na mga mananampalataya lang sa pangalan. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang bagay paminsan-minsan, kaya nilang gawin ito, pero hindi nila kusang gagampanan ang tungkulin nila kung hindi mo ito isasaayos para sa kanila. Dumadalo sila sa mga pagtitipon sa tuwing libre sila, pero sa sarili nilang pribadong oras, walang nakakaalam kung kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nag-aaral ng mga himno, o nagdarasal. Gayumpaman, medyo magiliw sila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia. Ano ang ibig sabihin ng “medyo magiliw”? Ibig sabihin, kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid na gumawa ng isang bagay, papayag sila; alang-alang sa pagiging kapwa mananampalataya, pwede silang tumulong na gumawa ng ilang bagay, sa saklaw ng mga abilidad nila. Gayumpaman, kung hihilingin sa kanila na gumugol ng labis na pagsisikap o magbayad ng kung anong halaga, tiyak na hindi nila ito gagawin. Kung may isang kapatid na nahihirapan at nangangailangan ng tulong nila, tulad ng paminsan-minsang pagtulong sa pag-aasikaso sa bahay, pagluluto ng pagkain, o paminsan-minsang pagtulong sa ilang maliit na gawain—o marunong ang naturang tao ng banyagang wika at kaya nilang tulungan ang mga kapatid na magbasa ng mga sulat—kaya nilang tumulong sa ganitong uri ng bagay at medyo magiliw sila. Karaniwan ay nakakasundo nila ang iba at hindi sila nagtatanim ng galit sa mga tao, pero hindi sila regular na dumadalo sa mga pagtitipon at hindi nila hinihiling na bigyan sila ng tungkulin, lalong hindi sila gumagawa ng anumang mahalaga o kahit pa nga mapanganib na gawain. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang mapanganib na gampanin, tiyak na tatanggihan ka nila, sasabihin nila, “Nananampalataya ako sa diyos alang-alang sa paghahanap ng kapayapaan, kaya paanong gagawa ako ng mga mapanganib na gampanin? Hindi ba’t paghahanap iyon ng gulo? Hindi ko talaga magagawa ito!” Pero kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid o ng iglesia na gawin nila ang isang maliit na bagay, pwede silang tumulong at gumawa ng maliit na pagsisikap, tulad lang ng isang kaibigan. Ang ganitong anyo ng paggugol sa sarili at pagtulong ay hindi matatawag na paggawa ng tungkulin, ni hindi ito matatawag na pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at lalong hindi ito matatawag na pagsasagawa sa katotohanan; isa lang itong kaso ng pagkakaroon nila ng paborableng impresyon sa mga mananampalataya sa Diyos at pagiging medyo magiliw sa mga ito, at pagkakaroon ng kakayahang tumulong kung may nangangailangan ng tulong. Ano ang tawag sa ganitong uri ng mga tao? Tinatawag sila ng sambahayan ng Diyos na mga kaibigan ng iglesia. Paano dapat tratuhin ang uri ng mga tao na mga kaibigan ng iglesia? Kung may taglay silang kakayahan at kaunting kalakasan at kaya nilang tulungan ang iglesia sa pangangasiwa ng ilang panlabas na usapin, maituturing din silang mga tagapagserbisyo at mga kaibigan ng iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng mga tao ay hindi maituturing na mga mananampalataya sa Diyos, at hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos. At kung hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos, pwede ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya? (Hindi.) Samakatwid, huwag, kailanman hihilingin sa ganitong uri ng mga tao na sumali sa hanay ng mga gumagampan sa tungkulin nang full-time. May mga nagsasabi: “Ang ilang tao, noong una silang nagsimulang manampalataya, ay may kaunting pananalig at gusto lang nilang maging mga kaibigan ng iglesia. Hindi nila nauunawaan ang maraming bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kaya paano sila magiging handang gumawa ng isang tungkulin? Paano sila magiging handang gugulin ang sarili nila nang buong puso?” Hindi natin tinutukoy ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang buwan o hanggang isang taon, kundi ang mga taong sa pangalan lang nananampalataya sa Diyos sa loob ng mahigit tatlong taon, o maging sa loob ng lima o sampung taon. Kahit gaano pa sinasabi ng mga ganitong tao na kinikilala nila na ang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos at ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang tunay na iglesia, hindi ito nagpapatunay na mga tunay silang mananampalataya. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao at sa uri ng pananalig nila, tinatawag natin silang mga kaibigan ng iglesia. Huwag silang ituring bilang mga kapatid—hindi sila mga kapatid. Huwag hayaan ang mga gayong tao na sumali sa iglesia na full-time, at huwag silang hayaang sumali sa hanay ng mga gumagampan ng tungkulin nang full-time; hindi ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. pwedeng sabihin ng ilan: “May pagkiling ka ba laban sa ganitong uri ng mga tao? Bagama’t mukhang matamlay sa panlabas, sa loob ay talagang masigasig sila.” Imposible para sa mga sinserong mananampalataya na lima o sampung taon nang nananampalataya sa Diyos at manatili pa ring matamlay; ang pag-uugali ng ganitong uri ng mga tao ay ganap nang ibinubunyag na sila ay mga hindi mananampalataya, mga taong nasa labas ng mga salita ng Diyos, at mga walang pananampalataya. Kung tinatawag mo pa rin silang mga kapatid, at sasabihin mo pa rin na hindi sila tinatrato nang patas, kung gayon ay kuru-kuro at mga damdamin mo ang nagsasalita.

Paano natin dapat tratuhin ang uri ng mga tao na kaibigan ng iglesia? Sila ay mapagmalasakit at handang tumulong sa pag-aasikaso ng kaunting gawain. Kung may pagkakataon na kailangan sila, maaari mo silang bigyan ng oportunidad na asikasuhin ang kaunting gawain. Kung kaya nilang gawin ang isang bagay, hayaan silang gawin ito. Para sa mga bagay na hindi nila kayang gawin nang maayos, at maaaring maging palpak pa, tiyakin mong hindi ka magtatalaga sa kanila ng mga gayong gampanin, nang sa gayon ay maiwasang lumikha ng problema—hindi mo pwedeng hayaang ang sarili mo na mapilitan dahil sa kanilang mabubuting intensiyon. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi rin nila nauunawaan ang mga prinsipyo. Kung may mga panlabas na usapin na kaya nilang pangasiwaan, hayaan silang gawin ito. Ngunit huwag na huwag mo silang hayaang mangasiwa ng mahahalagang gawain na may kinalaman sa gawain ng iglesia—sa gayong kaso, dapat tanggihan ang kanilang mabubuting intensiyon at masigasig na tulong. Kapag naharap ka sa ganitong klase ng tao, pakitunguhan mo lang sila sa panlabas, pero hanggang doon lang iyo; huwag mo silang seryosohin. Bakit hindi sila dapat seryosohin? Dahil mga kaibigan lang sila ng iglesia, at hindi talaga sila kapatid. Alinsunod ba sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya naman, kung ang ganitong klase ng tao ay hindi dumadalo sa mga pagtitipon, hindi nakikinig sa mga sermon, o hindi gumagawa ng tungkulin, hindi sila kailangang imbitahan pa. Kung hindi sila kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos o nagdarasal, kung hindi sila naghahanap sa mga katotohanang prinsipyo sa tuwing may nangyayari sa kanila, at kung ayaw nilang makipag-ugnayan sa mga kapatid, hindi sila kailangan pang suportahan o tulungan. Tatlong salita—huwag silang pansinin. Huwag seryosohin ang ganitong klase ng mga tao na nga kaibigan ng iglesia at mga hindi mananampalataya, at huwag mo silang pansinin. Hindi mo sila kailangang alalahanin, at hindi sila kailangang kumustahin. Bakit hindi sila kailangang kumustahin? Ano ang silbi ng pangungumusta sa mga taong walang kinalaman sa atin? Hindi ito kinakailangan, hindi ba? Gusto ba ninyong bigyang-pansin ang mga ganitong klase ng tao? Marahil ay gusto ninyong maging pakialamero at gustong magmalasakit at mag-espekula, “Kumusta na kaya sila ngayon? May asawa na kaya sila o wala pa? Ayos lang kaya sila? Anong trabaho ang ginagawa nila ngayon?” Anuman ang kalagayan nila, wala itong kinalaman sa iyo. Ano ang silbi na mag-alala ka tungkol doon? Huwag mo silang bigyan ng pansin, at huwag ka ring magkomento tungkol sa kanila. May mga tao na mahilig magkomento, tulad ng: “Kita mo na? Hindi sila nananampalataya nang maayos sa Diyos, nakakapanghina ng loob at nakakapanlupaypay ang pamumuhay nila araw-araw, at mukha silang hapong-hapo at pagod na pagod sa lahat ng oras,” o “Kita mo na? Hindi sila nananampalataya nang maayos sa Diyos, kaya wala silang kapayapaan, at mayroon na namang masamang nangyari sa pamilya nila.” Walang kabuluhan ang lahat ng ito, at hindi kinakailangan. Walang kinalaman sa iyo kung paano sila namumuhay at tumatahak sa kanilang landas. Ni huwag mo silang banggitin; hindi kayo magkapareho ng landas. Taos-puso mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos at ginagawa ang iyong tungkulin nang full-time, gusto mo lang na maghangad para makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, at anuman ang sabihin ng Diyos, gusto mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para palugurin Siya; wala sa puso ng mga taong iyon ang ganitong mga saloobin. Kapag nakakakita ka ng masasamang kalakaran, nakakaramdam ka ng pag-aalsa at pagkasuklam sa mga ito, at pakiramdam mo ay walang kaligayahan na mamuhay sa mundong ito, at tanging sa pananampalataya sa Diyos ka makakahanap ng kaligayahan; samantalang sila ay eksaktong kabaligtaran mo: Pinatutunayan nito na hindi kayo magkapareho ng landas. Ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa ng ganitong klase ng tao ay na kung sila ay handang tumulong, maaari silang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng oportunidad basta’t walang posibleng mga epekto. Kung wala silang silbi sa sambahayan ng Diyos at handa pa rin silang tumulong, kung gayon ay pinakamainam na tumanggi nang may paggalang—huwag mong bigyan ng problema ang sarili mo. Araw-araw na nagbabahaginan ang mga mananampalataya tungkol sa katotohanan, at tinatanggap nila ang mapungusan, ngunit kaya pa rin nilang gawin nang pabasta-basta ang mga bagay-bagay, kaya, magagawa bang pangasiwaan nang maayos ng mga kaibigan ng iglesia ang mga bagay-bagay nang walang anumang kapalit na kabayaran? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, masama bang mag-isip nang ganito tungkol sa mga tao? Ito ba ay sobrang negatibong pananaw tungkol sa mga tao? (Hindi.) Ito ay pagsasalita batay sa katunayan, pagsasalita batay sa diwa ng mga tao. Huwag maging mangmang, huwag maging hangal, at huwag gumawa ng anumang kalokohan. Kailangan pa ring sumailalim ang mga mananampalataya sa mga pagpupungos, mga paghatol at pagkastigo, matinding pagdidisiplina, pagtutuwid, at paglalantad bago unti-unting maging alinsunod sa layunin ng Diyos ang paggampan nila sa kanilang tungkulin. Ang isang kaibigan ng iglesia o isang walang pananampalataya ay hindi tumatanggap ng kahit anong katotohanan, at ang tanging iniisip niya ay ang sarili niyang mga interes, kaya, anong kabutihan ang maidudulot ng pangangasiwa niya sa mga gawain ng sambahayan ng Diyos o sa mga kapatid? Tiyak na wala. Nararapat lang na hindi bigyan ng pansin ang ganitong uri ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “huwag silang bigyan ng pansin”? Ibig sabihin nito ay hindi sila itinuturing ng sambahayan ng Diyos bilang mga mananampalataya. Maaari silang sumampalataya sa Diyos sa anumang paraan nila gusto, pero walang anumang kinalaman sa kanila ang gawain at mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos. Hanada silang tumulong, ngunit kailangan nating timbangin at suriin ang mga bagay-bagay kung nababagay ba silang gumawa nito, at kung hindi sila nababagay rito, hindi natin pwedeng ibigay sa kanila ang oportunidad na ito. Sabihin mo sa Akin, naaayon ba sa mga prinsipyo ang pagkilos sa ganitong paraan? May karapatan ba tayong tratuhin ang mga gayong tao nang ganito? Oo, sobra!

IV. Paano Tratuhin ang mga Taong Tinanggal

May isa pang uri ng mga tao, at iyon ay ang mga tinanggal. Paano natin sila dapat tratuhin? Kung ang mga taong ito ay tinanggal dahil hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain at inuuri sila bilang mga huwad na lider, o dahil sinusunod nila ang landas ng mga anticristo at inuuri bilang ang mga taong anticristo, kinakailangan na makatwirang italaga sa ibang gawain ang mga taong ito, at gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos para sa kanila. Kung sila ay mga anticristo na nakagawa ng maraming masamang bagay, siyempre, dapat silang patalsikin; kung hindi sila nakagawa ng maraming masamang bagay, ngunit may diwa sila ng isang anticristo at determinadong maging isang anticristo, kung gayon, hangga’t kaya pa rin nilang magserbisyo sa maliit na paraan nang hindi nakakapanggambala o nakakagulo, hindi sila kailangang patalsikin—hayaan silang patuloy na magserbisyo at bigyan sila ng pagkakataon na magsisi. Sa kaso ng mga huwad na lider na tinanggal, ilipat sila sa ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay nilang gawin, pero hindi na sila tinutulutang magserbisyo bilang mga lider ng iglesia; sa kaso naman ng mga lider at manggagawa na tinanggal dahil sa masyadong mahina ang kanilang kakayahan at wala silang kakayahang gumawa ng anumang gawain, ilipat din sila sa ibang gawain batay sa kanilang mga kalakasan at sa mga tungkuling nababagay nilang gawin, pero hindi na sila pwedeng itaguyod bilang lider o manggagawa. Bakit hindi pwede? Nasubukan na sila. Nabunyag sila, at malinaw nang nakikita na hindi bagay ang mga gayong tao na maging lider dahil sa kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kung hindi sila bagay na maging lider, wala ba silang kakayahang gawin ang ibang mga tungkulin? Hindi naman sa ganoon. Hindi sila bagay na maging lider dahil sa kanilang mahinang kakayahan, pero kaya nilang gumawa ng ibang mga tungkulin. Matapos tanggalin ang gayong mga tao, pwede nilang gawin ang anumang nababagay nilang gawin. Hindi sila dapat tanggalan ng karapatan na gumawa ng tungkulin; pwede pa rin silang gamiting muli kapag lumago na ang kanilang tayog sa hinaharap. Ang ilan ay tinanggal dahil bata pa sila at walang anumang karanasan sa buhay, at wala ring karanasan sa gawain, kaya, wala silang kakayahang isagawa ang gawain at sa huli ay tinanggal sila. Sa pagtanggal ng ganitong uri ng mga tao, mayroon naman kaunting kaluwagan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao at sapat ang kanilang kakayahan, maaari silang gamitin pagkatapos maibaba sa posisyon, o maaari silang italaga sa ibang gawain na nababagay sa kanila. Kapag malinaw na ang pagkaunawa nila tungkol sa katotohanan, at medyo natambad at nakaranas na sila sa gawain ng iglesia, maaari pa ring itaguyod at linanging muli ang gayong mga tao batay sa kanilang kakayahan. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao pero lubhang mahina ang kanilang kakayahan, kung gayon, walang anumang halaga na linangin sila, at tiyak na hindi sila maaaring linangin at papanatilihin.

Sa mga natanggal na, may dalawang uri ng mga tao na talagang hindi pwedeng muling itaas ang ranggo at linangin. Ang isa ay ang mga anticristo, at ang isa pa ay ang mga may masyadong mahinang kakayahan. Mayroon ding ilang tao na hindi itinuturing na mga anticristo, pero mayroon lang silang mababang pagkatao, makasarili at mapanlinlang sila at ang ilan sa mga taong ito ay tamad, naghahangad ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap. Kahit na napakagaling ng kakayahan ng mga gayong tao, hindi pwedeng muling itaas ang ranggo nila. Kung may kaunti silang kakayahan, hayaan silang gawin ang anumang bagay na kaya nilang gawin, hangga’t nagagawa ang mga angkop na pagsasaayos para doon; sa madaling salita, huwag itaas ang ranggo nila sa pagiging lider o manggagawa. Bukod sa pagkakaroon ng kakayahan at abilidad sa gawain, ang mga lider at manggagawa ay kailangang maunawaan ang katotohanan, mayroong pasanin para sa iglesia, kayang magsikap nang husto at magtiis ng pagdurusa, at dapat silang maging masipag at hindi tamad. Bukod dito, dapat ay medyo matapat at matuwid sila. Hindi mo talaga pwedeng piliin ang mga taong mapanlinlang. Iyong mga masyadong baluktot at mapanlinlang ay palaging nagpapakana laban sa mga kapatid, sa mga nakakataas sa kanila, at sa sambahayan ng Diyos. Ginugugol nila ang mga araw nila sa pag-iisip lang ng mga tusong kaisipan. Kapag nakikitungo sa ganitong klase ng tao, palagi mong kailangang hulaan kung ano ang totoong iniisip nila, kailangang palagi mong tanungin kung ano mismo ang ginagawa nila kamakailan, at kailangan mo sila palaging bantayan. Ang paggamit sa kanila ay masyadong nakakapagod at nakakapag-alala. Kung itataas ang ranggo ng ganitong uri ng tao para gumawa ng mga tungkulin, kahit na nauunawaan nila ang kaunting doktrina, hindi nila ito isasagawa, at aasahan nilang may mga benepisyo at pakinabang ang bawat maliit na gawaing ginagawa nila. Ang paggamit sa mga gayong tao ay masyadong nakakapag-alala at masyadong nakakaabala, kaya hindi pwedeng itaas ang ranggo ng mga gayong tao. Samakatwid, pagdating sa mga anticristo, sa mga may napakahinang kakayahan, sa mga may masamang pagkatao, sa mga tamad, nagnanasa ng kaginhawahan ng laman at hindi kayang magtiis ng hirap, at sa mga sobrang baluktot at mapanlinlang—kapag ang ganitong mga uri ng mga tao ay nabunyag at natanggal matapos na gamitin, huwag nang itaas ang ranggo nila sa pangalawang pagkakataon; huwag na silang muling gamitin nang mali pagkatapos silang makilatis. Maaaring sinasabi ng ilan, “Dating tinutukoy bilang isang anticristo ang taong ito. Napansin namin na matagal-tagal nang maayos ang paggampan nila, nagagawa nilang makipag-ugnayan nang normal sa mga kapatid at hindi na nila pinipigilan ang iba. Maaari ba silang itaguyod?” Huwag magmadali—kapag naitaguyod na sila at nagkaroon ng katayuan, malalantad ang kanilang anticristong kalikasan. Maaaring sinasabi ng iba, “Lubhang mahina ang kakayahan ng taong ito dati; kapag ipinapangasiwa sa kanya ang gawain ng dalawang tao, hindi siya marunong magtalaga ng mga gampanin, at kung sabay na nangyari ang dalawang bagay, hindi nila alam kung paano gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos. Ngayong medyo mas matanda na sila, magiging mas magaling na sila sa mga bagay na ito, hindi ba?” May katuturan ba ang pahayag na ito? (Wala.) Kapag sabay na nangyari ang dalawang bagay, nalilito ang taong iyon at hindi alam kung paano harapin ang mga ito. Hindi niya kayang kilatisin ang sinuman o anumang bagay. Napakahina ng kakayahan niya na wala siyang kapabilidad sa gawain o kakayahang umarok. Ang gayong tao ay tiyak na hindi pwedeng itaguyod muli bilang lider. Hindi ito isyu sa edad. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay magkakaroon pa rin ng mahinang kakayahan kapag nasa edad 80 na sila. Hindi ito gaya ng iniisip ng mga tao, na habang tumatanda at nagkakaroon ng higit na karanasan ang isang tao, mauunawaan na nila ang lahat—hindi iyon ganoon. Magkakaroon sila ng karanasan sa buhay, pero hindi katumbas sa kakayahan ang karanasan sa buhay. Gaano man karaming bagay ang nararanasan o gaano karaming aral ang natututunan ng isang tao, hindi ibig sabihin na magiging mahusay ang kakayahan niya.

Kung masyadong makasarili ang pagkatao ng isang tao, masyadong mapanlinlang, at mayasdong buktot, at puno siya ng mga tusong pakana, at sarili lamang niya ang iniisip niya, kaya bang magbago ng ganitong tao? Tinanggal siya dahil sa mga kadahilanang ito; ngayon, sampung taon na ang lumipas at marami siyang napakinggan na sermon—hindi na ba makasarili, baluktot, at mapanlinlang ang pagkatao niya? Sasabihin Ko sa iyo: Ang ganitong uri ng tao ay hindi magbabago, magiging pareho pa rin siya kahit lumipas pa ang dalawampung taon. Kaya, kung makikita mo siyang muli makalipas ang dalawampung taon at tatanungin mo siya kung makasarili at mapanlinlang pa rin ba siya, aaminin niya ito mismo. Bakit hindi nagbabago ang mga taong may masamang pagkatao? Kaya ba nilang magbago? Ipagpalagay na kaya nilang magbago, ano ang kakailanganing mga kondisyon at para mangyari iyon? Kailangang magawa nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong may masamang pagkatao ay hindi tumatanggap sa katotohanan, at sa loob-loob nila, hinahamak, kinapopootan, at inaalipusta nila ang mga positibong bagay, at mapanlaban sila sa mga ito—talagang hindi nila kayang magbabago. Kaya, kahit gaano pa karaming taon ang lumipas, huwag mo silang itaguyod, dahil wala silang kakayahang magbago. Posible na sa loob ng dalawampung taon ay matututo sila na maging mas tuso pa, at maging mas mahusay pa nga sa pagsasalita ng magagandang-pakinggan na salita at mga bagay na nakalilinlang sa iba. Pero kung makikipag-ugnayan ka sa mga taong ito at oobserbahan ang kanilang mga kilos, matutuklasan mo ang isang katunayan—na hindi sila nagbago kahit kaunti. Ipinapalagay mo na pagkalipas ng napakaraming taon at at pagkatapos makinig sa napakaraming sermon at magampanan ang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa loob ng napakahabang panahon, dapat ay nagbago na sila—nagkakamali ka! Hindi sila magbabago. Bakit? Napakarami nilang napakinggan na sermon at nabasang salita ng Diyos, pero hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang kahit isang pangungusap, kaya, hindi sila nagbago kahit kaunti, at imposibleng magbago sila. Kapag ang ganitong tao ay ibinunyag at tinanggal, hindi na sila maaaring gamiting muli, at kung gagamitin mo nga sila, pinipinsala mo ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Kung hindi ka sigurado, obserbahan mo lang kung paano sila kumilos, at tingnan kung kaninong mga interes ang ipinagtatanggol nila kapag nahaharap sa mga bagay na nagdudulot na sumalungat ang sarili nilang mga interes sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; tiyak na hindi nila isasakripisyo ang kanilang sariling mga interes at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung titingnan batay rito, hindi sila mapagkakatiwalaan, at hindi sila karapat-dapat na itaguyod at gamitin sa sambahayan ng Diyos. Kaya, ang mga gayong tao ay nakatadhanang hindi gamitin. Kaya pa rin bang magbago ng mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan? Imposible ito, at ito ay pangarap ng isang hangal!

Tungkol naman sa mga tao na tamad, na nagnanasa ng kaginhawahan sa laman, at na hindi kayang magtiis ng kahit katiting na paghihirap, mas lalong wala silang kakayahang magbago. Sa panahon ng kanilang pagiging lider, hindi sila dumaranas ng anumang paghihirap, hindi sila nagtitiis maging sa mga paghihirap na kaya namang tiisin ng mga ordinaryong kapatid. Sa paggawa nila ng kanilang tungkulin, pabasta-basta lang nila itong ginagawa—nagdaraos sila ng mga pagtitipon at nangangaral ng ilang doktrina, at pagkatapos ay natutulog na sila para alagaan ang kanilang sarili. Kung sa gabi ay natutulog sila nang medyo dis-oras na, mahimbing pa rin silang matutulog sa umaga habang ang mga kapatid ay bumabangon na. Ayaw nilang mapagod kahit kaunti o maging abala nang kaunti, o magtiis ng kahit kaunting paghihirap. Hindi sila nagbabayad ng anumang halaga at hindi sila gumagawa ng anumang totoong gawain. Saan man sila magpunta, sa sandaling makakita sila ng masarap na pagkain at inumin, sobra silang natutuwa na nakakalimutan na nila ang lahat ng iba pa, hindi sila pumupunta kahit saan, kundi nananatili lang sila roon, na kumakain, umiinom, at nagpapakasaya, nang hindi gumagawa ng anumang gawain. Hindi sila nakikinig kapag pinupungusan sila ng Itaas, at hindi rin sila tumatanggap ng mga paalala at paglalantad mula sa mga kapatid. Pinipili nilang mamuhay sa pinakamaginhawang posibleng paraan, nang hindi nagbabayad ng anumang halaga, at nang hindi tinutupad ang kanilang mga responsabilidad o ginagawa ang kanilang tungkulin, at kaya, sila ay nagiging walang kwenta. Kaya ba ng gayong mga tao na magbago? Ang mga ganitong tao ay sobrang tamad, nagnanasa ng kaginhawahan sa laman; hindi nila kayang magbago. Ganito sila ngayon at magiging ganito rin sila sa hinaharap. Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Nagbago na ang taong iyon, ilang panahon na rin silang nagsisikap nang husto sa kanilang gawain.” Huwag magmadali. Kung itataguyod mo sila bilang lider, babalik sila sa dati nilang gawi—ganoon lang talaga sila. Para silang isang sugarol, na kapag nauubusan ng pera, ay patuloy pa ring magsusugal kahit na kakailanganin nilang humiram ng pera, ibenta ang kanilang bahay, o ibenta pa nga ang kanilang asawa at mga anak. Kung hindi sila nagsusugal sa kasalukuyan, maaaring dahil sarado ang casino at walang lugar na mapagsusugalan, o dahil nahuli na ang lahat ng kanilang kaibigan sa pagsusugal at wala na silang makakasama sa pagsusugal, o dahil naibenta na nila ang lahat ng pwede nilang ibenta at wala nang natitirang pera para isugal. Sa sandaling makahawak sila ng pera, magsusugal na naman sila at hindi nila magagawang huminto—ganoon lang talaga sila. Gayundin, ang mga tamad at nagnanasa ng kaginhawahan sa laman ay wala ring kakayahang magbago. Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, agad silang babalik sa kanilang dating gawi, at malalantad ang totoo nilang mga kulay. Kapag wala silang katayuan, walang magpapahalaga at maglilingkod sa kanila, at kung wala silang ginagawa, dapat silang paalisin, dahil hindi sinusuportahan ng iglesia ang mga taong walang ginagawa, kaya wala silang mapagpipilian kundi atubiling gawin ang ilang bagay. Iba ang paraan ng paggawa nila sa mga bagay-bagay kumpara sa iba. Aktibong ginagawa ng iba ang mga bagay-bagay, samantalang pasibo nilang ginagawa ang mga ito. Bagama’t sa panlabas ay walang pagkakaiba, sa diwa ay mayroong pagkakaiba. Kapag may katayuan ang iba, ginagawa nila ang nararapat nilang gawin at nagagawa nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad; sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga taong ito, sinasamantala nila ang pagkakataon na matamasa ang mga pakinabang ng kanilang katayuan at hindi sila gumagawa ng anumang gawain, at sa gayon ay nalalantad ang kanilang kalikasang diwa na tamad at nananabik sa kaginhawahan. Samakatwid, ang ganitong uri ng mga tao ay hindi magbabago sa anumang sitwasyon, at sa sandaling mabunyag at matanggal sila, hindi na dapat muling itaguyod o gamitin ang mga gayong tao—ito ang prinsipyo.

Pagdating sa mga taong may iba’t ibang sitwasyon, ito ang mga prinsipyo sa pagtataguyod at paggamit sa kanila. Ang pinakamababang pamantayan ay na kaya nilang maglaan ng pagsisikap at magserbisyo sa sambahayan ng Diyos nang hindi nagdudulot ng kaguluhan; sa ganoong kaso, pwede silang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila matugunan ang kahit pinakamababang pamantayang ito, kung gayon, kahit ano pa ang kanilang pagkatao o mga kalakasan, hindi sila angkop na gumawa ng tungkulin, at ang ganitong uri ng mga tao ay dapat itiwalag mula sa hanay ng mga gumagawa ng mga tungkulin. Kung ang pagkatao ng isang tao ay mapaminsala at katumbas ng sa isang anticristo, kung gayon, kapag nakumpirma na isa siyang anticristo, hinding-hindi siya gagamitin ng sambahayan ng Diyos, ni itataguyod o lilinangin. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Ayos lang ba na hayaan silang magserbisyo?” Depende ito sa sitwasyon. Kung maaaring magdulot ng negatibong epekto at masasamang kahihinatnan sa sambahayan ng Diyos ang kanyang pagseserbisyo, kung gayon, ni hindi siya bibigyan ng pagkakataon ng sambahayan na magserbisyo. Kung alam niya na siya mismo ay isang masamang tao o anticristo na pinatalsik, pero handa siyang magserbisyo, at gagawin niya ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin niya, at kaya niyang magserbisyo nang may maayos na asal, nang hindi pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya, sa gayong kaso ay pwede siyang hayaang manatili. Kung hindi man lang niya magawang magserbisyo nang maayos, at ang serbisyo niya ay mas naghahatid ng pinsala kaysa sa kabutihan, kung gayon ay ni hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na magserbisyo, at kahit pa magsesrbisyo nga siya, hindi siya gagamitin ng sambahayan ng Diyos, dahil hindi man lang siya karapat-dapat o pumapasa sa pamantayan ng pagseserbisyo. Kaya, hindi na dapat bumalik ang ganitong uri ng mga tao—hayaan silang pumunta kahit saan nila gusto. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi ako gagamitin ng sambahayan ng Diyos, ako na mismo ang mangangaral ng ebanghelyo, at ipapasa ko sa sambahayan ng Diyos ang mga taong nakakamit ko sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo.” Ayos lang ba iyon? (Oo.) Maaaring sinasabi ng ilan: “Ayaw Mong gamitin ang taong iyon kahit na sa pagseserbisyo, kaya, sa anong batayan niya dapat ibigay sa Iyo ang mga taong nakakamit niya sa pangangaral ng ebanghelyo? Sa anong batayan niya dapat ipangaral ang ebanghelyo para sa Iyo?” Hindi siya ginagamit ng sambahayan ng Diyos dahil sa iba’t ibang aspekto. Una, hindi siya umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng tao. Pangalawa, hindi nangangahas ang sambahayan ng Diyos na gamitin ang ganitong uri ng mga tao, dahil sa sandaling gagamitin sila, magiging walang katapusan ang problema. Kaya, paano natin dapat ipaliwanag itong kagustuhan nila na mangaral ng ebanghelyo? Ang pinatototohanan nila sa pangangaral ng ebanghelyo ay ang Diyos, at dahil sa mga salita at gawain ng Diyos kaya nila nakakamit ang mga tao. Bagama’t nakamit ang mga taong ito sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng taong iyon, hindi ito maituturing na papuri para sa kanila. Sa pinakamainan, ito ay pagtupad lamang sa kanilang mga responsabilidad bilang tao. Isang anticristo ka man o isang masamang tao, o ikaw man ay pinaalis o pinatalsik, ang pagtupad sa mga responsabilidad mo bilang tao ay isang bagay na dapat mong gawin. Bakit Ko sinasabing isa itong bagay na dapat mong gawin? Nakatanggap ka ng napakaraming panustos ng mga katotohanan mula sa Diyos, at ito rin ang mga puspusang pagsisikap ng Diyos. Diniligan at tinustusan ka ng sambahayan ng Diyos sa loob ng naparaming taon, pero mayroon bang anumang hinihingi sa iyo ang Diyos? Wala. Ang iba’t ibang aklat na ipinamamahagi ng sambahayan ng Diyos ay libre, walang sinuman ang kailangang magbayad ni isang sentimo. Gayundin, ang tunay na daan ng buhay na walang hanggan ng Diyos at ang mga salita ng buhay na ipinagkakaloob Niya sa mga tao ay libre, at ang mga sermon at pakikipagbahaginan ng sambahayan ng Diyos ay libre rin lahat para mapakinggan ng mga tao. Samakatwid, ikaw man ay isang ordinaryong tao o miyembro ng isang espesyal na grupo, libre kang nakatanggap ng napakaraming katotohanan mula sa Diyos, kaya, tiyak na nararapat lang na ipangaral mo ang mga salita ng Diyos at ang ebanghelyo ng Diyos sa mga tao at dalhin sila sa presensiya ng Diyos, hindi ba? Ipinagkaloob ng Diyos ang lahat ng katotohanan sa sangkatauhan; sino ang may kayang suklian ang gayong kadakilang pagmamahal? Ang biyaya ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang buhay ng Diyos ay walang katumbas na halaga, at walang tao ang may kayang suklian ang mga ito! Ganoon ba kahalaga ang buhay ng tao? Kasinghalaga ba ito ng katotohanan? Kaya, walang sinuman ang may kayang suklian ang pagmamahal at biyaya ng Diyos, at kasama na roon ang mga pinaalis, pinatalsik, at itiniwalag ng iglesia—hindi sila eksepsiyon. Hangga’t mayroon kang konsensiya, katwiran, at pagkatao, paano ka man tratuhin ng sambahayan ng Diyos, dapat mong tuparin ang obligasyon mo na ipalaganap ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang Kanyang gawain. Ito ang di-maiiwasang responsabilidad ng mga tao. Samakatwid, gaano man karaming tao ang pinangangaralan mo ng mga salita ng Diyos o pinagbabahaginan ng ebanghelyo, o gaano man karaming tao ang nakakamit mo, hindi ito dahilan para purihin ka. Nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, pero hindi mo pinapakinggan o tinatanggap ang mga ito. Tiyak na dapat kang magserbisyo nang kaunti at mangaral ng ebanghelyo sa iba, hindi ba? Dahil ganito na kalayo ang narating mo ngayon, hindi ba’t dapat kang magsisi? Hindi ba’t dapat kang maghanap ng mga pagkakataon para masuklian ang pagmamahal ng Diyos? Talagang dapat mong gawin iyon! Mayroong mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, at ang pagpapaalis, pagpapatalsik, at pagtitiwalag ng mga tao ay ginagawa ayon sa mga atas administratibo at ayon sa mga hinihingi ng Diyos—ang paggawa ng mga bagay na ito ay tama. Maaaring sinasabi ng iba, “Medyo nakakahiya namang tanggapin sa iglesia ang mga taong nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo niyong mga pinaalis o pinatalsik.” Sa katunayan, ito ang tungkuling dapat gawin ng mga tao, at walang dapat ikahiya. Ang lahat ng tao ay nilikha. Kahit na pinaalis o pinatalsik ka, kinondena bilang masamang tao o isang anticristo, o isa kang target sa pagtitiwalag, hindi ba’t isa ka pa ring nilikha? Kapag ikaw ay pinaalis na, hindi ba’t Diyos mo pa rin ang Diyos? Nabura na lang ba sa isang iglap ang mga salitang sinabi sa iyo ng Diyos at ang mga bagay na itinustos Niya sa iyo? Huminto ba sa pag-iral ang mga ito? Umiiral pa rin ang mga ito, sadyang hindi mo lang pinahalagahan ang mga ito. Ang lahat ng taong napabalik-loob, kahit sino pa ang nagpabalik-loob sa kanila, ay mga nilikha at dapat na magpasakop sa Lumikha. Kaya, kung handang mangaral ng ebanghelyo ang mga taong ito na pinaalis o pinatalsik, hindi natin sila pipigilan; subalit paano man sila mangaral, hindi puwedeng baguhin ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao at ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi ito magbabago kahit kailan.

Sa gitna ng iba’t ibang uri ng mga taong ito na natanggal, ang karamihan sa kanila ay malabong tunay na magsisi at hindi na dapat gamiting muli. May pagkakataon lang para itaguyod at gamitin ang mga taong natanggal o iyong mga may tungkulin na pinalitan dahil wala silang karanasan sa gawain at kaya’t hindi nila nagawa pansamantala ang kanilang gawain. Ang ganitong uri ng mga tao ay may sapat na kakayahan at walang malalaking problema sa kanilang pagkatao, mayroon lamang silang ilang maliliit na pagkukulang, bisyo, o masamang kagawian na namana mula sa kanilang pamilya—hindi malaking problema ang alinman sa mga bagay na ito. Kung kailangan sila ng sambahayan ng Diyos, pwede silang muling itaguyod at gamitin sa tamang panahon; makatwiran ito, dahil hindi sila masasamang tao at hindi rin sila magiging mga anticristo. Sapat ang kanilang kakayahan, sadyang hindi pa sila ganoon katagal gumagawa ng gawain at wala silang karanasan, kaya hindi sila mahusay para gawin ito, na hindi naman isang seryosong problema. Kung tinanggal sila dahil sa mga kadahilanang ito, mayroon silang pagkakataon na umunlad sa hinaharap at maaari silang magbago. Hangga’t ang isang tao ay may kapabilidad sa gawain, nagtataglay ng kakayahan, at pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, kung gayon, habang nararanasan niya ang gawain ng Diyos at ginagawa ang kanyang tungkulin, unti-unting magbabago ang ganitong uri ng mga tao, magbabago ang kanyang pagkatao, lalago ang kanyang buhay pagpasok, magkakaroon ng mga kaukulang pagbabago sa kanyang disposisyon, at magkakaroon ng kaunting pag-usad sa pagkaunawa niya sa katotohanan. Depende sa kapaligiran, sa mga tungkuling ginagawa niya, at sa kanyang mga personal na adhikain, magbabago at lalago siya iba’t ibang antas, kaya’t masasabi na dapat itaguyod at gamitin ang ganitong uri ng mga tao. Ang mga ito ang pangkaraniwang mga prinsipyo para sa muling pagtataguyod at paggamit ng ilang uri ng tao na dati nang natanggal.

Ang ikapitong aytem sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay “Italaga at gamitin ang iba’t ibang uri ng mga tao sa makatuwirang paraan, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, nang sa gayon ay magamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan.” Sa ating pagbabahaginan ngayon lang, malinaw na ipinaliwanag ang kahulugan ng paggamit sa mga tao sa pinakamainam na paraan. Hangga’t may kahit katiting na halaga sa paglilinang sa isang tao, at hangga’t pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, bibigyan siya ng mga oportunidad ng sambahayan ng Diyos. Hangga’t hinahangad ng isang tao ang katotohanan at minamahal ang mga positibong bagay, hindi siya isusuko o ititiwalag ng Diyos nang ganoon kadali. Hangga’t pasok sa mga pamantayang ibinahagi Ko ngayon lang ang pagkatao at kakayahan mo, siguradong magkakaroon ka ng lugar sa sambahayan ng Diyos para gumawa ng tungkulin, at tiyak na gagamitin ka nang may katwiran, at bibigyan ka ng sapat na pagkakataon para maipakita ang iyong kakayahan. Sa madaling salita, kung mayroon kang mga kalakasan at kadalubhasaan sa isang partikular na propesyon na kinakailangan para sa gawain ng iglesia, tiyak na ipapagawa sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang isang angkop na tungkulin. Gayumpaman, kung wala kang mga adhikain o kagustuhan at ayaw mong magsikap na umunlad, gawin mo na lang ang anumang makakaya mo, gumawa ka ng tungkulin na kaya ng iyong abilidad, at iyon lang. Kung mayroon kang mga adhikain, at sinasabi mo, “Nais kong maunawaan at makamit ang mas maraming katotohanan, at tumahak sa landas ng kaligtasan sa lalong madaling panahon, at makapasok sa katotohanang realidad. Handa akong isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, handang magbuhat ng mabigat na pasanin sa sambahayan ng Diyos, magdusa ng higit na paghihirap kaysa sa iba, mas higit na gumugol ng aking sarili at tumalikod kaysa sa iba,” at kung nababagay ka sa lahat ng aspekto, pero wala pa ring nagrerekomenda sa iyo, maaari mo ring irekomenda ang sarili mo. Hindi ba’t makatwiran iyon? Sa kabuuan, ang mga ito ang lahat ng prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng iba’t ibang uri ng tao, ang layon ay walang iba kundi ang maipasok ang mga tao sa katotohanang realidad. Ano ang mga pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? Nauunawaan nila ang katotohanan, nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang lahat ng iba’t ibang aspekto ng gawain, at may kakayahang isagawa ang mga kaukulang katotohanan kapag nakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay sa pang-araw-araw na buhay, sa halip na malito at hindi malaman ang gagawin sa tuwing may mangyari sa inyo—ito ang layon. Dahil ito ang itinakdang layon, dapat kayong maghangad na matugunan ito!

Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maaaring sinasabi ng ilan, “Hindi Ka pa tapos sa pagbabahagi, hindi Mo pa nailantad ang mga huwad na lider kaugnay sa aytem na ito.” Ang sagot Ko ay hindi na sila kailangang ilantad. Sa isang banda, mahina ang kakayahan ng mga huwad na lider at wala silang kakayahang gumawa ng totoong gawain; sa kabilang banda, wala silang konsensiya at katwiran, walang pasanin, hindi man lang isinasapuso ang kanilang gawain, at ni hindi nila magawang maayos ang mga simpleng bagay. Sa tuwing nahaharap sila sa masalimuot na problema, o sa isang problema na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, hindi man lang nila ito matukoy, at lalong hindi nila makilatis ang diwa ng problema. Kaya, hindi na sila kailangang ilantad. Kahit pa ilantad sila, hindi rin nila ito tatanggapin, at masasayang lang ang mga salita. Dagdag pa rito, ang pagbanggit sa mga nagawa nila ay magiging nakakasuklam at gagalitin lang nang husto ang mga tao. Isang pagkakamali sa paggamit ng mga tao ang pagtatalaga ng gayong mahalagang gawain sa mga huwad na lider na ito. Ang kawalan ng kakayahang gawin ang kanilang gawain ay sapat na para maramdaman nilang wala silang kwenta, at kung ilalantad at hihimayin mo sila, mas lalo lamang silang magdadalamhati. Kaya, hayaan ang mga huwad na lider na ito na ikumpara ang kanilang sarili at suriin ang kanilang mga problema abot ng kanilang makakaya. Kung matutuklasan nila ang kanilang mga problema, tingnan kung kaya ba nilang gumawa ng mga pagpapabuti sa hinaharap; kung hindi nila matuklasan ang mga ito, kailangan nilang magpatuloy sa pagsusuri, at maaari din silang humingi ng tulong sa mga tao sa paligid nila para suriin at ayusin ito. Kung nakipagbahaginan na sa kanila ang iba at isinapuso na nila ito, pero hindi pa rin nila matuklasan ang sarili nilang mga problema, at hindi pa rin nila alam kung paano ito makilala o masolusyunan, kung gayon, tunay nga silang mga huwad na lider at dapat silang itiwalag.

Marso 6, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 9

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito