Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5

Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalimang aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Habang nagbabahaginan sa ikalimang aytem, hinimay natin ang ilan sa mga pagpapamalas at kilos ng mga huwad na lider, at natapos natin ang pagbabahaginan sa aytem na ito. Ngayon, nagbabahaginan tayo sa ikaanim at ikapitong aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang espesipikong nilalaman ng dalawang aytem na ito? (Ikaanim na aytem: Itaguyod at linangin ang lahat ng uri ng kwalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay maaaring magkaroon ng oportunidad na sumailalim sa pagsasanay at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Ikapitong aytem: Italaga at gamitin ang iba’t ibang uri ng mga tao sa makatuwirang paraan, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, nang sa gayon ay magamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan.) Himayin natin ang iba’t ibang kilos at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa dalawang aytem na ito. Kabilang ang dalawang aytem na ito sa parehong kategorya, na may kinalaman sa pagtataguyod, paglilinang, at paggamit ng iba’t ibang uri ng tao sa iglesia. Magbahaginan muna tayo tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paglilinang ng lahat ng uri ng kuwalipikadong talento. Sa gayong paraan, hindi ba’t mauunawaan ninyo ang ilang prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito? Maaaring iniisip ninyo, “Bilang mga lider at manggagawa, madalas kaming nahaharap sa mga ganitong usapin, pamilyar na kami sa gawaing ito at may kaunting karanasan dito, kaya kahit na wala Kang dagdag na sasabihin tungkol dito, malinaw na ito sa amin, at hindi Mo na kailangang partikular na magbahagi nang mas malalim pa tungkol dito.” Kung gayon, hindi na ba kailangang magbahagi pa tungkol dito? (Kailangan pa rin namin ang pagbabahagi Mo. Hindi pa rin namin naaarok ang mga prinsipyo sa aspektong ito, at may ilang taong may talento na hindi pa rin namin alam kung paano kilatisin.) Karamihan sa mga lider at manggagawa ay litong-lito pa rin kung paano gawin ang trabahong ito, at nasa proseso pa ng pangangapa, at hindi nila maarok ang mga tumpak na prinsipyo, kaya, kailangan pa rin nating pagbahaginan ang mga detalye.

Ikaanim na Aytem: Itaguyod at Linangin ang Lahat ng Uri ng Kalipikadong Talento Upang ang Lahat ng Naghahangad ng Katotohanan ay Magkaroon ng Pagkakataon na Magsanay at Pumasok sa Katotohanang Realidad sa Lalong Madaling Panahon

Ang Kahalagahan ng Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa Lahat ng Uri ng Taong may Talento

Bakit itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng mga taong may talento? Para ba ito sa pakikilahok sa agham, edukasyon, at literatura ang pagtataguyod at paglilinang sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Dapat alam na ng mga hinirang ng Diyos na kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang klase ng tao na may talento, hindi ito ginagawa para makabuo ng uri ng high-tech na produkto at lumikha ng himala o para magsagawa ng pananaliksik tungkol sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao, at lalong hindi para gumawa ng anumang uri ng mga plano para sa kinabukasan ng sangkatauhan. Bakit, kung gayon, itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento? Naiintindihan ba ninyo ito o hindi? (Para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian.) Para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian—ito ang isang dahilan. Ano pa? (Para magkaroon ng pagkakataon na magsanay ang lahat ng naghahangad sa katotohanan.) Tama, medyo makatwiran ang sagot na ito at tumpak. Ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang mas marami pang tao na naghahangad sa katotohanan na magsanay, at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Ang dalawang sagot na ibinigay ninyo ngayon lang ay parehong tama at tumpak. Sa isang banda, ang pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento ay nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa gawain ng Diyos, at sa isa pang banda, nauugnay ito sa indibidwal na mga paghahangad at pagpasok. Ito ang dalawang pangkalahatang aspekto. Sa partikular na salita, ano ang kahalagahan ng pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Ano ang partikular na gawaing isinasagawa sa iglesia ng mga taong ito na itinaguyod at nilinang? Kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider ng grupo, superbisor, o lider o manggagawa ng iglesia, ginagawa ba silang isang opisyal? (Hindi.) Itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao para maging responsable sila sa mga partikular na proyekto o trabaho sa loob ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, gaya ng gawain ng ebanghelyo, gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng paggawa ng pelikula, gawain ng pagdidilig, pati na rin ng ilang pangkalahatang gawain, at iba pa. Kaya, paano nila isinasakatuparan ang mga partikular na trabahong ito? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos at kumikilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung titingnan ang katunayan na itinataguyod at nililinang ang mga taong ito, para magsagawa ng gawain, hindi ang pagkakaroon ng opisyal na titulo o katayuan ang humihimok sa kanila na gawin nang maayos ang kanilang gawain. Sa halip, dapat silang magtaglay ng partikular na kakayahan para pasanin ang isang partikular na trabaho, ibig sabihin, para pasanin ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos na gawin, o sa madaling salita, isang tungkulin at obligasyon na may kaakibat na pananagutan. Ito ang partikular na kahalagahan at depinisyon ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga indibidwal na may talento, tulad ng binanggit sa ikaanim na aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Samaktwid, sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao, ang layon ng sambahayan ng Diyos ay linangin ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento para gumawa ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; ito ay para mabigyan ang mga taong ito ng kakayahan na pasanin ang iba’t ibang partikular na gampanin sa iglesia. Kasabay nito, nililinang at sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito para matuto sila kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magbahagi tungkol sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo, na umaakay sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay sa mga salita ng Diyos, at pumasok sa katotohanang realidad, at mabigyan sila ng mga tunay na karanasan at patotoo, nang sa gayon ay maaari silang mamuno, magdilig, at magtustos sa iba, at gawin nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at kasabay nito, maaaring mahimok ang hinirang na mga tao ng Diyos na magpasakop sa Diyos, magpatotoo sa Diyos, at tuparin ang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo. Ang pamamaraan ng pagsasagawa para sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay, sa isang aspekto, para pamunuan ang mga tao sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, pagkilala sa kanilang sarili, pagwaksi sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at pagpasok sa katotohanang realidad; sa isa pang aspekto, ito ay para gamitin ng mga lider at manggagawa ang kanilang sariling tunay na karanasan ng katapatan at pagpapasakop para pamunuan at linangin ang mga tao sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at pagbibigay ng matutunog na patotoo sa Diyos. Ang mga ito ang dalawang pangunahing landas ng pagsasagawa sa paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang partikular na gawain na nakapaloob sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng taong may talento, at ito rin ang tunay na kahalagahan ng pagtataguyod at paglilinang sa kanila.

Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa Iba’t ibang Uri ng Taong may Talento na Itinataguyod at Nililinang ng Sambahayan ng Diyos

I. Ang Mga Kinakailangang Pamantayan para sa mga Lider at Manggagawa at mga Superbisor ng Iba’t ibang Aytem ng Gawain

Sino ang tinutukoy na “iba’t ibang uri ng mga taong may talento na itinaguyod at nilinang ng iglesia”? Anong mga saklaw ang sakop nito? Una ay ang uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ano ang mga kinakailangang pamantayan para sa mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain? Mayroong tatlong pangunahing pamantayan. Una, dapat ay mayroon silang abilidad na maarok ang katotohanan. Tanging ang mga taong nakakaarok sa katotohanan nang dalisay at walang pagbabaluktot at nakakabuo ng mga kongklusyon ang itinuturing na mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magkaroon ng espirituwal na pang-unawa at kakayahang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa proseso ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, dapat ay magawa nilang tanggapin nang nakapagsasarili ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang karumihan ng sarili nilang kalooban, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kung maaabot nila ang pamantayang ito, nangangahulugan ito na alam nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at pagpapamalas ito ng mahusay na kakayahan. Pangalawa, dapat silang magbuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Ang mga taong tunay na nagbubuhat ng pasanin ay hindi lang masigasig; mayroon silang tunay na karanasan sa buhay, nakakaunawa sila ng ilang katotohanan, at nakikilatis nila ang ilang problema. Nakikita nila na sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos, maraming suliranin at problema na kinakailangang malutas. Nakikita nila ito sa kanilang mga mata at nag-aalala sila rito sa kanilang puso—ito ang ibig sabihin ng pagbubuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay basta lang na may mahusay na kakayahan at kayang umarok sa katotohanan, pero siya ay tamad, nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, ayaw gumawa ng totoong gawain, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag binibigyan sila ng deadline ng Itaas na tapusin ito, kapag hindi na nila maiwasan na hindi ito gawin, kung gayon, isa itong tao na walang pasanin. Ang mga taong walang pasanin ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, mga taong walang pagpapahalaga sa katarungan, at mga walang kwenta na ginugugol ang buong araw sa katakawan, nang walang anumang seryosong pinag-iisipan. Pangatlo, dapat magtaglay sila ng kakayahan sa gawain. Ano ang ibig sabihin ng “kakayahan sa gawain”? Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay hindi lang nila kayang magtalaga ng gawain at magbigay ng mga tagubilin sa mga tao, kundi kaya rin nilang tukuyin at lutasin ang mga problema—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng kakayahan sa gawain. Dagdag pa rito, kailangan din nila ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Ang mga taong may kasanayan sa pag-oorganisa ay partikular na mahusay sa pagtitipon ng mga tao, pag-oorganisa at pagsasaayos ng gawain, at paglutas ng mga problema, at kapag nagsasaayos ng gawain at lumulutas ng mga problema, kaya nilang lubusang kumbinsihin ang mga tao at mapasunod ang mga ito—ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kayang isakatuparan ng mga tunay na may kakayahan sa gawain ang mga partikular na trabahong isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at kaya nila itong gawin nang mabilis at nakatitiyak, nang walang anumang kapabayaan, at higit pa roon, kaya nilang gawin nang maayos ang iba’t ibang trabaho. Ito ang tatlong pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang ng mga lider at manggagawa. Kung nakakatugon ang isang tao sa tatlong pamantayang ito, siya ay isang pambihira at may talentong indibidwal at dapat siyang itaguyod, linangin, at sanayin kaagad, at pagkatapos magsanay nang ilang panahon, maaari na siyang tumanggap ng gawain. Ang sinumang may kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kakayahan sa gawain ay hindi nangangailangan ng mga tao na palaging nag-aalala sa kanila at nangangasiwa at nanghihimok sa kanila sa kanilang gawain. Sila ay maagap, alam nila kung aling mga trabaho ang dapat gawin sa partikular na oras, aling mga trabaho ang kailangang inspeksiyunin at pangasiwaan, at aling mga trabaho ang kailangang suriin o bantayang maigi. Alam na alam nila ang mga bagay na ito. Ang mga gayong tao ay medyo masasandalan at maaasahan sa kanilang gawain, at walang malalaking problema na mangyayari. Kahit na nagkakaroon ng mga problema, ang mga ito ay maliliit na isyu lang na hindi nakakaapekto sa kabuuan, at hindi kailangang mag-alala ang Diyos tungkol sa gawain ng mga taong ito. Tanging ang mga nakakatayo sa sarili nilang mga paa sa kanilang gawain ang tunay na nagtataglay ng kakayahan sa gawain. Ang mga hindi nakakatayo sa sarili nilang mga paa at palaging nangangailangan ng ibang tao na mag-aalala sa kanila, babantayan sila, pangangasiwaan sila, at hahawakan pa nga ang kanilang kamay at tuturuan sila kung ano ang dapat gawin, ay ang klase ng mga tao na may napakahinang kakayahan. Ang mga resulta ng gawain ng mga taong may ordinaryong kakayahan ay tiyak na karaniwan, at kinakailangan ng mga taong ito ang iba para bantayan at pangasiwaan sila bago pa sila makagawa ng anumang bagay. Sa kabilang banda, ang mga taong may mahusay na kakayahan ay nakakatayo sa kanilang sariling mga paa pagkatapos silang sanayin nang ilang panahon, at sa tuwing nabibigyan sila ng Itaas ng mga tagubilin para sa isang gampanin at sa tuwing nababahaginan sila ng ilang prinsipyo, kaya nilang maarok ang mga prinsipyo, ipatupad ang gawain alinsunod sa mga ito, at karaniwang sumunod sa tamang landas nang walang masyadong malalaking paglihis o kapintasan, at makamit ang mga resultang nararapat nilang makamit—ito ang ibig sabihin ng pagtataglay ng kakayahan sa gawain. Halimbawa, nananawagan ang sambahayan ng ng Diyos na malinis ang iglesia, at matukoy at mapatalsik ang mga anticristo at masasamang tao mula sa iglesia, at ang mga taong nagtataglay ng kakayahan sa gawain ay karaniwang hindi lumilihis kapag isinasakatuparan ang gampaning ito. Sa sandaling lumitaw ang isang anticristo, tumatagal ng humigit-kumulang kalahating taon, sa pinakamababa, bago sila mabunyag at mapaalis. Sa panahong ito, ang mga nagtataglay ng kakayahan sa gawain ay kaya silang tukuyin, magbahagi tungkol sa katotohanan para himayin ang mga pagpapamalas ng anticristo, at tulungan ang mga kapatid na makilatis sila at hindi malihis, nang sa gayon ay tumindig sila para ilantad at patalsikin ang anticristo nang sama-sama. Kapag lumilitaw sa saklaw ng gawain ng mga taong nagtataglay ng kakayahan sa gawain ang mga anticristo o masasamang tao, karaniwang hindi nalilihis o naiimpluwensiyahan ang karamihan sa mga kapatid. Tanging ang ilang tao na magulo ang isip at iyong mga may napakahinang kakayahan ang nalilihis, at isa itong normal na penomena. Ang mga taong may mahusay na kakayahan at nagtataglay ng kakayahan sa gawain ay kayang magkamit ng mga ganitong resulta sa kanilang gawain, at ang mga gayong tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at sila ay mga lider at manggagawa na pasado sa pamantayan.

Sa iba’t ibang klase ng mga taong may talento na kababanggit ko lang ngayon, ang unang klase ay iyong maaaring maging superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang unang hinihingi sa kanila ay ang magkaroon sila ng abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi. Ang ikalawang hinihingi ay ang magbuhat sila ng pasanin—ito ay kailangang-kailangan. Mas madaling naaarok ng ilang tao ang katotohanan kaysa sa mga ordinaryong tao, mayroon silang espirituwal na pang-unawa, may mahusay na kakayahan, nagtataglay ng kkayahan sa gawain, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasagawa, tiyak na kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Pero may seryosong problema sa mga taong ito—wala silang pasanin. Gusto nilang kumain, uminom, magsaya, at gumala. Interesadong-interesado sila sa mga bagay na ito, pero kapag ipinapagawa sa kanila ang ilang partikular na gawain kung saan kinakailangan nilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at pigilan nang kaunti ang sarili nila, nagiging matamlay sila, at sinasabi nilang may sakit sila o nararamdamang paghihirap, at na ang bawat parte nila ay hindi komportable. Sila ay walang pigil at walang disiplina, kaswal, matigas ang ulo, at mabisyo. Kumakain, natutulog, at nagsasaya sila kung kailan nila gusto, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag nasa magandang lagay ng kalooban. Kung medyo mahirap o nakakapagod ang gawain, nawawalan sila ng interes at ayaw na nilang gawin ang tungkulin nila. Ito ba ay pagbubuhat ng pasanin? (Hindi.) Ang mga taong tamad at nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman ay hindi ang mga taong dapat itaguyod at linangin. Mayroon ding mga tao na may higit pa sa sapat na kakayahan para sa isang trabaho, ngunit sa kasamaang-palad, sadyang hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabalidad, ayaw nila ng gulo, at ayaw nilang mag-alala. Bulag sila sa gawaing kinakailangang gawin, at kahit na nakikita nila ito, ayaw nilang asikasuhin ito. Ang ganitong uri ba ng mga tao ay kandidato para sa pagtataguyod at paglilinang? Tiyak na hindi; kailangang may pasanin ang mga tao para maitaguyod at malinang. Ang pagbubuhat ng pasanin ay maaari ding ilarawan bilang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad ay mas may kinalaman sa pagkatao; ang pagbubuhat ng pasanin ay nauugnay sa isa sa mga pamantayang ginagamit ng sambahayan ng Diyos sa pagsukat sa mga tao. Ang mga nagbubuhat ng pasanin habang may karagdagang tinataglay na dalawa pang bagay—ang abilidad at kakayahan na maarok ang katotohanan, at ang kakayahan sa gawain—ay ang mga uri ng tao na maaaring itaguyod at linangin, at ang ganitong uri ng tao ay maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang mga ito ang mga hinihinging pamantayan sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao para maging iba’t ibang uri ng mga superbisor, at ang mga taong nakakatugon sa mga pamantayang ito ay mga kandidato para sa pagtataguyod at paglilinang.

II. Ang mga Kinakailangang Pamantayan para sa mga Taong may Talento sa Iba’t Ibang Propesyon na Nagtataglay ng mga Espesyal na Talento o Kaloob

Bukod sa uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain, ang isa pang uri ng mga tao na maaaring itaguyod at linangin ay iyong mga nagtataglay ng mga espesyal na talento o kaloob, o iyong mga naging dalubhasa na sa ilang propesyonal na kasanayan. Ano ang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang ng mga ganitong tao para maging mga lider ng grupo? Una, tingnan ang pagkatao nila—basta’t mahal nila ang mga positibong bagay at hindi sila masasamang tao, sapat na iyon. Maaaring itanong ng ilan, “Bakit hindi nila kailangang maging isang taong naghahangad sa katotohanan?” Dahil ang mga lider ng grupo ay hindi mga lider ng iglesia o mga manggagawa, hindi rin sila mga tagadilig, at ang hingin sa kanila na tugunan ang pamantayan ng paghahangad sa katotohanan ay magiging kalabisan, at mahirap abutin para sa karamihan sa kanila. Hindi ito hinihingi sa mga taong gumagawa ng pangkalahatang gawain o ng mga partikular na aytem ng propesyonal na gawain; kung ganoon man, kakaunti lang ang magiging kwalipikado, kaya kailangang ibaba ang mga pamantayan. Basta’t nauunawaan ng mga tao ang kanilang propesyon at may kakayahang pasanin ang gawain, at hindi gumagawa ng kasamaan o nagsasanhi ng anumang kaguluhan, sapat na iyon. Para sa mga taong ito na may kadalubhasaan sa ilang kasanayan at propesyon, at may ilang kalakasan, kung isasagawa nila ang isang gawain na nangangailangan ng pagiging pamilyar nang kaunti sa kasanayan at may kaugnayan sa kanilang mga propesyon sa sambahayan ng Diyos, basta’t sila ay mga taong taos-puso at matuwid pagdating sa kanilang karakter, hindi masama, hindi baluktot sa kanilang pag-arok, kayang magtiis ng paghihirap, at handang magbayad ng halaga, kung gayon, sapat na iyon. Kaya, ang unang kinakailangan sa paglilinang ng gayong mga tao para maging lider ng grupo ay na kailangang mahal nila ang mga positibong bagay, at bukod pa roon, kailangan ay kaya nilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Ano pa? (Dapat matuwid ang kanilang karakter, at hindi masama, at hindi baluktot sa kanilang pag-arok.) Kailangang medyo matuwid ang kanilang karakter, kailangang hindi sila masasamang tao, at hindi sila dapat baluktot sa kanilang pag-arok. Maaaring itanong ng iba, “Kung gayon, maituturing ba na mataas ang abilidad nilang makaarok sa katotohanan? Pagkatapos marinig ang katotohanan, magigising ba sila sa katotohanang realidad, at makakapasok sa katotohanang realidad?” Hindi kinakailangang hingin ang lahat ng ito; sapat na ang hingin na hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok ang mga gayong tao. Kapag ginagawa ng mga taong hindi baluktot sa kanilang pag-arok ang kanilang gawain, ang isa sa mga benepisyo nito ay na hindi sila malamang na magdudulot ng mga pagkagambala o gagawa ng anumang kalokohan. Halimbawa, paulit-ulit na ibinahagi ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo tungkol sa kulay ng mga kasuotan ng mga aktor, na dapat ay marangal at disente, at makulay sa halip na maputla. Subalit may mga tao pa rin na sadyang hindi makaintindi sa sinabi sa kanila, hindi nila nauunawaan ang naririnig nila, wala silang kakayahang makaarok at makatukoy sa mga prinsipyong nakapaloob sa mga hinihinging ito ng sambahayan ng Diyos, at nauuwi sila sa pagpili ng mga kasuotan na puro kulay abo—hindi ba’t baluktot na pag-arok ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok. Ano ang pangunahing kahulugan ng pagmamahal sa mga positibong bagay? (Ang magawang tanggapin ang katotohanan). Tama. Ibig sabihin nito ay ang magawang tanggapin ang mga salita at mga bagay na ayon sa katotohanan, at magawang tanggapin at magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Kaya mang isagawa ng mga gayong tao ang mga bagay na ito, kahit papaano, sa kaibuturan, dapat hindi sila lumalaban o naiinis sa mga ito. Ang mga gayong tao ay mabubuting tao, at sa simpleng pananalita, masasabi natin na sila ay mga disenteng tao. Ano ang mga katangian ng mga disenteng tao? Nakakaramdam sila ng pagkainis, pagkasuklam, at pagkapoot sa masasamang kilos na gustong gawin ng mga walang pananampalataya, pati na rin sa masasamang kalakaran na sinusunod ng mga walang pananampalataya. Halimbawa, isinusulong ng mga kalakaran sa mundo nug mga walang pananampalataya ang masasamang puwersa, at maraming babae ang naghahangad na makapag-asawa ng mayaman o maging kabit ng isang lalaki. Hindi ba’t kabuktutan ito? Lubos na kasuklam-suklam ang mga bagay na ito para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, at sinasabi ng ilan na, “Kahit na hindi ako makahanap ng taong pakakasalan, kahit pa mamatay ako sa kahirapan, hindi ako kailanman kikilos ng katulad sa mga taong iyon,” sa madaling salita, mapanglait at mapang-alipusta sila sa gayong mga tao. Ang isang katangian ng mga disenteng tao ay na kasuklam-suklam at nakakasuka para sa kanila ang masasamang kalakaran, at hinahamak nila ang mga nabitag sa gayong mga kalakaran. Medyo matuwid ang mga taong ito; kapag binaggit ang pananampalataya sa Diyos at pagiging mabuting tao, pagtahak sa tamang landas, pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pag-iwas sa masasamang kalakaran, at pag-iwas sa lahat ng masasamang pag-uugali sa mundo, sa kaibuturan nila, pakiramdam nila ay mabuting bagay ito. Magagawa man nila o hindi na magsikap para matamo ang lahat ng ito at gaano man katayog ang kanilang mithiin na manampalataya sa Diyos at tumahak sa tamang landas, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, sa kaibuturan nila, inaasam nilang mabuhay sa liwanag, at inaasam nilang mapunta sa isang lugar kung saan namamayani ang pagiging matuwid. Ang mga matuwid na taong gaya nito ay ang mga uri ng tao na may katamtamang pagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga taong itataguyod at lilinangin ng sambahayan ng Diyos ay kailangang nagtataglay ng katangian ng isang matuwid na pagkatao at ng pagmamahal para sa mga positibong bagay, sa pinakamababa. Ito rin ang unang kinakailangang pamantayan sa pagtataguyod ng mga taong may talento na mayroong mga propesyonal na kasanayan at kalakasan. Ang pangalawang pamantayan ay na ang gayong mga tao ay dapat na makapagtiis ng hirap at magbayad ng halaga. Ibig sabihin, pagdating sa mga adhikain o gawain kung saan masigasig sila, naisasantabi nila ang kanilang sariling hangarin, naisasantabi nila ang mga layaw ng laman o ang isang maginhawang pamumuhay, at kahit talikuran pa ang kanilang mga minimithi sa hinaharap. Dagdag pa rito, balewala sa kanila ang kaunting hirap o ang medyo makaramdam ng pagod; hangga’t gumagawa sila ng isang makabuluhang bagay at pinaniniwalaan nila itong tama, masaya nilang tinatalikuran ang mga kasiyahan ng laman at mga pakinabang—o, kahit papaano ay magkaroon ng mithiin at pagnanais na gawin iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Paminsan-minsan ay inaasam pa rin ng taong iyon ang mga kaginhawahang dulot ng laman: Minsan, gusto nilang matulog na ng mahaba, o kumain ng masarap, at minsan gusto nilang lumabas para mamasyal o magliwaliw ngunit mas madalas na nagagawa nilang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga; paminsan nga lamang, dinadala sila ng kanilang sumpong sa gayong mga kaisipan. Maituturing ba itong problema?” Hindi ito maituturing na problema. Kalabisan na kung hilingin pa sa kanila na ganap nilang isantabi ang mga kalayawan ng laman, maliban na sa mga espesyal na pagkakataon. Sa pangkalahatan, kapag binigyan mo ng trabaho ang gayong mga tao, malaki man o hindi ang trabaho, at isang bagay man ito na gusto nilang gawin o hindi, at kahit gaano kahirap ang trabaho, o gaano kalaki ang paghihirap na kailangan nilang tiisin, o anuman ang halagang kailangan nilang ibayad, basta’t itinalaga mo ito sa kanila, garantisadong gagawin nila ito sa abot ng kanilang makakaya nang hindi mo na kailangang bantayan o pangasiwaan sila. Ang gayong mga tao ay kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at ito ay isa pang pagpapamalas ng mga disenteng tao. Ano ang ibig sabihin ng kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga? Nangangahulugan ito ng pagiging masinsinan, pagiging labis na masugid at maasikaso, at pagiging handang magdusa ng anumang paghihirap at magbayad ng anumang halaga para magawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Ang gayong mga tao, pagdating sa pagtapos ng mga gawain, ay tumutupad sa kanilang mga pangako at maaasahan sila, hindi katulad ng mga taong matakaw at walang ginagawa, na mahilig magliwaliw at napopoot sa trabaho, at inuuna ang pakinabang bago ang lahat ng bagay. Ang mga taong iyon ay hindi tumutupad sa kanilang mga pangako, palaging nagsasalita ng mga huwad na salita para linlangin at himukin ang iba, at hindi sila nag-aatubiling magsinungaling at gumawa ng mga huwad na panunumpa para makamit ang kanilang mga layon—hindi ililigtas ng Diyos ang mga taong iyon. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang matatapat na tao lang ang tumutupad sa kanilang mga salita at tapat sa kanilang mga tungkulin, at tanging ang mga kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para matupad ang atas ng Diyos ang ililigtas ng Diyos. Ang kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga ay ang ikalawang katangian at pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang tao para maitaguyod at malinang ng sambahayan ng Diyos. Ang ikatlong pamantayan ay ang pagiging hindi baluktot sa pag-arok ng isang tao. Ibig sabihin nito, pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos, kahit papaano, nagagawa nilang alamin kung ano ang tinutukoy ng mga salita, nauunawaan nila ang mga sinasabi ng Diyos, at walang paglihis o kakatwa sa kanilang pag-arok. Halimbawa, kung magsasalita ka tungkol sa kulay asul, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay itim, at kung magsasalita ka tungkol sa kulay abo, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay lila. Ito ang pinakamababang pamantayan. Kahit na baluktot minsan ang pag-arok nila, kapag tinutukoy ito ng iba, kaya nilang tanggapin ito, at kung makikita nila na mas malinaw ang pag-arok ng iba kaysa sa kanila, handa nilang tatanggapin ito—ang ganitong uri tao ay may malinaw na pag-arok. Ikaapat, dapat hindi sila masasamang tao. Madali bang maunawaan ito? Ang hindi pagiging masamang tao ay nangangahulugang kailangang gawin ang isang bagay kahit papaano, na kung saan pagkatapos nilang mabigong tuparin ang hiniling sa kanila ng sambahayan ng Diyos, o malabag ang mga prinsipyo at makagawa ng mali, kailangang magawang tumanggap at magpasakop ang mga gayong tao kapag pinupungusan sila, nang hindi lumalaban at hindi nagkakalat ng pagiging negatibo o mga kuru-kuro. Dagdag pa rito, sa anumang grupo man sila nabibilang, kaya nilang pakisamahan ang karamihan ng mga tao at makipag-ugnayan sa kanila nang nagkakaisa.Kahit na may manakit sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi ng hindi kanais-nais na bagay, kaya nilang tiisin ito nang hindi naghihinakit, at kung may sinumang mang-api sa kanila, hindi nila pinarurusahan ang masama ng kasamaan, kundi gumagamit lang sila ng matatalinong paraan para manatiling nakadistansiya at umiiwas. Bagama’t bigong maging matatapat na tao ang gayong mga indibidwal, sa pinakamababa, sila ay medyo mga taos-puso at hindi gumagawa ng kasamaan, at kung may sinumang sumasalungat sa kanila, hindi sila gumaganti o hindi nila pinapahirapan ang mga ito, ni sinusupil ang mga ito. Higit pa rito, ang mga gayong tao ay hindi nagtatangkang magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, kumikilos nang kontra sa sambahayan ng Diyos, nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nagtatangkang manghusga sa Kanya, o gumagawa ng anumang bagay na nakagagambala o nagdudulot ng mga kaguluhan. Ang apat na punto sa itaas ay ang mga pangunahing pamantayan sa pagtataguyod at paglilinang ng mga taong may talento, na may ilang kalakasan at nakakaunawa ng ilang propesyonal na kasanayan. Basta’t natutugunan nila ang apat na pamantayang ito, maaari silang pumasan ng partikular na mga tungkulin at gumampan ng mga partikular na trabaho sa wastong paraan.

Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Bakit hindi kasama sa mga pamantayan na dapat matugunan ng mga tao na may talento ang pag-unawa sa katotohanan, pagtataglay ng katotohanang realidad, at kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan upang maitaguyod at malinang? Bakit hindi nila isinasama ang kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan? Naipag-iwanan na ba ang mga bagay na ito” Sabihin mo sa Akin, kung may isang tao na nakakaunawa sa katotohanan at nakapasok na sa katotohanang realidad, at kayang magpasakop sa Diyos, at tapat sa Diyos, at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at higit pa rito, nakikilala ang Diyos, hindi lalaban sa Kanya, at isang nilalang na pasok sa pamantayan, kailangan pa ba silang linangin? Kung talagang nakamit na nila ang lahat ng ito, hindi ba’t naisakatuparan na ang bunga ng paglilinang? (Oo.) Samakatwid, hindi na kasama ang mga pamantayang ito sa mga kinakailangan para maitaguyod ang mga tao na may talento at malinang ang mga ito. Dahil ang mga kandidato ay itinataguyod at nililinang mula sa mga tao na hindi nakakaunawa sa katotohanan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kaya imposible para mga kandidatong ito na itinataguyod at nililinang na magkaroon na ng katotohanang realidad, o ganap nang nagpapasakop sa Diyos, lalo na ang maging ganap nang tapat sa Diyos, at tiyak na malayo pa rin sila sa pagkakakilala sa Diyos at sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga pamantayan na dapat tugunan higit sa lahat ng iba’t ibang uri ng tao na may talento upang maitaguyod at malinang ay ang mga kababanggit lang natin—ito ang mga pinakamakatotohanan at mga partikular. Sinasabi ng ilang huwad na lider na, “Wala kaming sinumang tao na may talento rito na maaaring itaguyod at linangin. Hindi nauunawaan ni ganito at ni ganyan ang katotohanan, ginagawa ni ganito at ni ganyan ang mga bagay-bagay nang walang may-takot-sa-Diyos na puso, hindi matanggap ni ganito at ni ganyan ang pagpupungos, walang katapatan si ganito at si ganyan …” at kung ano-ano pa, pinupuna ang napakaraming kamalian. Ano ang ipinapahiwatig ng mga huwad na lider na ito sa pagsasabi ng mga ganitong bagay? Para bang hindi maaaring itaguyod at linangin ang mga taong iyon dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila nararanasan ang gawain ng Diyos, at wala pa silang katotohanang realidad, at iba pa, samantalang ang mga lider mismo ay naging mga lider dahil mayroon na silang ilang praktikal na karanasan at nagtataglay ng katotohanang realidad. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng mga huwad na lider na ito? Sa kanilang mga mata, walang sinuman ang kasinggaling nila, at walang ibang angkop na maging lider maliban sa kanila. Ito ang mayabang na disposisyon ng mga huwad na lider; pagdating sa pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao, puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon.

III. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa Mga Tauhan ng Gawain ng mga Pangkalahatang Usapin

Kababanggit ko lang ng dalawang uri ng mga tao na tinututukan ng sambahayan ng Diyos na linangin. Ang isang uri ay mga tao na maaaring maging mga lider at manggagawa, at ang isa pa ay mga tao na kayang magsagawa ng iba’t ibang propesyonal na trabaho. May isa pang uri ng tao. Hindi sila maituturing na nagtataglay ng mga partikular na kalakasan o propesyonal na kasanayan; walang kaugnay na anumang modernong teknolohiya ang gawain nila, ibig sabihin, gumagampan ng mga partikular na pangkalahatang gawain sa iglesia ang mga taong ito, hinaharap nila ang ilang usapin na hindi bahagi ng pangunahing gawain ng iglesia. Sila ang uri ng mga tao na nagsasagawa ng mga pangkalahatang gawain. Ano ang mga pangunahing kinakailangan ng sambahayan ng Diyos para sa mga gayong tao? Ang pinakamahalagang kinakailangan ay na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi sila nakikipagtulungan sa mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos, at hindi nila ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para kunin ang loob ni Satanas. Iyon lang. Hindi mahalaga kung sila man ay mahusay makipag-usap, ang pinakamataas sa lipunan, o isang tao na may espesyal na talento, dapat nilang magawang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nangangasiwa ng mga usaping panlabas para sa sambahayan ng Diyos. Ano ang nakapaloob sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pera, mga materyal, ang mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at ang kaligtasan ng mga kapatid—napakahalaga ng bawat aspektong ito. Ang sinumang may kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay nagtataglay ng normal na pagkatao, at sapat na matuwid, at isang tao na handang isagawa ang katotohanan. Ang ilang mga tao ay walang pagkilatis, at sinasabi nila, “May tao na masama ang pagkatao, pero kaya niyang ipagtanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos.” Posible ba iyon? (Hindi ito posible.) Paano maipagtatanggol ng masasamang tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Kaya lang nilang ipagtanggol ang sarili nilang mga interes. Kaya, kung tunay na kayang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tiyak na siya ay may mabuting karakter at pagkatao; hindi ito pwedeng maging mali. Kung tinutulungan ng isang tao ang mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos kapag gumagawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo ang mga interes nito, at hindi lang nagsasanhi ng malalaking kawalan sa ekonomiya at materyal sa sambahayan ng Diyos, kundi nagdudulot din ng malaking pinsala sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, mabuting tao ba siya? Siguradong hindi mabuti ang mga gayong tao. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang materyal at pinansiyal na mga kawalang dinaranas ng sambahayan ng Diyos; ang pinakamahalaga para sa kanila ay ang makinabang sila at makuha ang loob ng mga walang pananampalataya; hindi lang nila pinapadalhan ng mga regalo ang mga walang pananampalataya, kundi palagi rin nilang pinagbibigyan ang mga ito sa mga negosasyon—hindi nila naiisip na ipaglaban ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, nagsisinungaling sila sa sambahayan ng Diyos, sinasabi kung paano nila isinakatuparan ang gawain, at ipinagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—habang sa katunayan, dumanas na ng mga kawalan ang gawain ng iglesia, at labis na sinamantala ng mga walang pananampalataya ang sambahayan ng Diyos. Kung, sa lahat ng aspekto, nagagawang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang nangangasiwa sa mga bagay na walang kinalaman sa iglesia, mabuting tao ba ang taong ito? (Oo.) Kung gayon, kung ang ganitong klaseng tao ay walang kakayahang gumawa ng anupamang ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, at angkop lamang para sa ganitong uri ng pangkalahatang gawain, dapat ba silang itaguyod ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Bukod pa sa pagtataglay ng kakayahan sa gawain, at kakayahang isagawa ang kanilang gawain alinsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, nagagawa rin nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya, pasok sila sa pamantayan, at dapat na itaguyod ang gayong mga tao. Sa kabilang dako, yaong mga palaging pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na palaging may dalang potensiyal na panganib sa kaligtasan ng mga kapatid, at palaging nagdudulot ng masasamang epekto at bunga sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia—hindi dapat itaguyod o linangin ang gayong mga tao; kung itinataguyod at ginagamit sila, kailangan silang tanggalin kaagad. Mayroon ding ilang tao na palaging nagkakaproblema habang ginagawa ang mga trabaho nila, tulad ng pagkakaroon ng aksidente kapag nagmamaneho, kapalpakan sa mga gawaing pinangangasiwaan nila, o pagdudulot ng di-pagkakasundo na nagreresulta sa walang tigil na pagrereklamo, at kung may anumang kapintasan, hindi nila alam kung paano ayusin ang mga ito. Ang mga gayong tao ay may mahinang pag-iisip, at nagdadala rin sila ng kamalasan, at mga walang kwenta. Kung ang ganitong uri ng tao ay magiging lider ng grupo, superbisor, lider o manggagawa, hindi lang sila agad dapat tanggalin, kundi dapat din silang alisin sa iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng tao ay parang sumpa at nagdadala ng kamalasan. Hangga’t may isa o dalawang ganitong tao sa iglesia, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa iglesia. Parang may masasamang espiritu sa loob nila o salot ang mga gayong tao. Ang sinumang magkakaroon ng kaugnayan sa kanila ay magdurusa ng kamalasan, kaya dapat maalis kaagad ang ganitong uri ng tao. Maging mga katangian ng mukha ng mga taong ito ay pawang mali, puno ng pagkatuso o maladiyablong katangian o sobrang pangit, at ang sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila ay makakaramdam na para bang may masamang mangyayari. Ang mga ganitong uri ng tao ay dapat tanggalin at alisin, at saka lang magiging maayos ang mga bagay-bagay sa iglesia. Ang pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang tao sa iglesia ay nangangailangan ng pagsunod sa mga prinsipyo at ng paggamit ng pagkilatis, parag kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa iba’t ibang uri ng mga taong itinataguyod at nililinang, mayroong mga nagsisilbi bilang mga lider at manggagawa ng iglesia, iyong mga responsable iba’t ibang propesyon sa iglesia, at gayundin iyong mga humahawak ng mga pangkalahatang gawain para sa iglesia. Ang iba’t ibang pamantayan na dapat tugunan nitong ilang uri ng mga taong may talento ay malinaw ring napagbahaginan Kapag malinaw sa inyo ang mga prinsipyo kung paano maghalal ng mga lider at manggagawa at kung paano magtaguyod at maglinang ng mga tao, papasok sa tamang landas ang lahat ng gawain ng iglesia.

Maaaring nagtatanong ang ilang tao, “Bakit tinatawag na may talento ang mga taong ito na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos?” Ang mga tao na may talento na tinutukoy natin ay ang mga kandidato sa pagtataguyod at paglilinang. May iba’t ibang hinihingi para sa mga taong may kakayahang gumawa ng iba’t ibang tungkulin, at dahil sila ay nasa proseso ng pagtataguyod at paglilinang, sapat na natutugunan nitong di-umano’y mga taong may talento ang mga pamantayang kababanggit natin. Hindi makatotohanan na umasang mayroon nang katotohanang realidad ang mga taong ito, na mapagpasakop at tapat na sila, at na may takot na sila sa Diyos. Kaya, ang mga taong may talento na pinag-uusapan natin ay iyong mga nagtataglay lang ng ilang katangian at integridad na nararapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at ng kakayahang umarok sa katotohanan—sa gayong paraan, itinuturing silang kuwalipikado. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan na nila ang katotohanan at nakapasok na sila sa katotohanang realidad, ni ibig sabihin na lubusan na silang nakapagpasakop sa Diyos matapos tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang mga bagay na gaya nito. Siyempre, ang terminong “mga taong may talento” ay hindi tumutukoy sa mga nakatapos ng unibersidad o kumuha ng Ph.D., o sa mga taong may pribilehiyadong pamilya o mataas na katayuan sa lipunan, o sa mga taong may mga espesyal na abilidad o kaloob—hindi ito tumutukoy sa mga ganitong tao. Dahil itataguyod at lilinangin sila, maaaring hindi pa kailanman nagawa o napag-aralan dati ng ilang tao na gagampan ng propesyonal na gawain ang propesyong iyon, ngunit hangga’t natutugunan nila ang ilang pamantayang iyon sa pagtataguyod at paglilinang, at handa silang matuto at mahusay sila sa pag-aaral ng isang partikular na propesyon, maaari silang itaguyod at linangin ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Hindi Ko ibig sabihin na maaari lang itaguyod at linangin ang isang tao kung likas na mahusay sila sa isang partikular na propesyon. Bagkus, ito ay kung mayroon silang kagustuhang matuto at magtaglay ng mga kinakailangang kondisyon, o kahit magtaglay lang sila ng ilang pangunahing kaalaman sa propesyong ito, maaari silang itaguyod at linangin—ito ang prinsipyo. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pamantayang dapat matugunan ng iba’t ibang taong may talento na gustong itaguyod at linangin ng sambahayan ng Diyos.

Ang mga Pakay ng Sambahayan ng Diyos sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong may Talento

Sunod, pagbabahaginan natin kung bakit itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento. Hindi ito lubos na nauunawaan ng ilang tao, at iniisip nila, “Hindi ba magiging sapat para sa sambahayan ng Diyos na diretsong itaguyod at gamitin na lamang ang iba’t ibang taong may talento? Bakit kailangan pa nitong linangin at sanayin ang mga tao sa loob ng ilang panahon?” Nauunawaan ba ninyo ito o hindi? Pag-usapan muna natin ang uri ng mga tao na nagiging mga lider at manggagawa. Bakit itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga taong may kakayahang umarok, na nagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at nagtataglay ng kakayahan sa gawain? Ito ay dahil bagama’t kuwalipikado sila pagdating sa kanilang kakayahan at natutugunan nila ang mga pamantayan, wala pa silang tunay na karanasan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lalong hindi pa nila alam kung paano isagawa ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kailangan silang sanayin sa loob ng ilang panahon at bigyan ng gabay, at kapag nakabisado na nila ang mga prinsipyo sa paggawa ng kanilang tungkulin at nagkaroon ng tunay na karanasan, saka pa lang sila maaaring pormal na magagamit. Kung katulad sila ng mga kapatid sa iglesia, na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, namumuhay sa buhay ng iglesia, at nagsasanay sa paggawa ng isang tungkulin, at itinataguyod at nililinang lamang kapag lumago na ang buhay nila, magiging napakabagal ng kanilang pag-usad. Sa gayong kaso, ilang taon ang aabutin bago sila maging angkop na gamitin ng Diyos? Hindi ba nito maaapektuhan ang gawain ng iglesia? Kaya, hangga’t may kakayahan ang isang tao na umarok sa katotohanan, nagtataglay ng kakayahanad sa gawain, at may pagpapahalaga sa pasanin, dapat silang itaguyod at linangin, at hilinging magsanay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider o ng isang manggagawa, at bigyan ng pasanin. Sa isang banda, nagagawa nilang sulitin ang kanilang mga kalakasan. Sa kabilang banda, kapag nahaharap sila sa mga espesyal na sitwasyon, kinakailangang magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan para malutas ang kanilang mga paghihirap. Kailangan din silang mapungusan minsan, at kung kinakailangan, dapat din silang disiplinahin at isailalim sa maraming pagsubok at pagpipino, at magtiis ng labis na paghihirap. Sa pamamagitan lamang ng pagsasailalim sa gayong praktikal na pagsasanay sila maaaring tunay na makakausad, at unti-unting makakaunawa sa katotohanan at makabisado ang mga prinsipyo, at pagkatapos ay papasanin ang gawain ng mga lider at manggagawa sa lalong madaling panahon. Ang ganitong paraan ng paglilinang at pagsasanay sa mga lider at manggagawa ay magdudulot ng mas magagandang resulta at magiging mas mabilis, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at mas makakabuti sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, sapagkat kayang direktang diligan at tustusan ng mga lider at manggagawang may praktikal na karanasan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider, nagiging mas mabigat na pasanin para sa sambahayan ng Diyos na sanayin ang taong ito, para sumandal siya sa Diyos, at magsumikap sa katotohanan; saka lamang mabilis na lalago sa lalong madaling panahon ang kanyang tayog. Kapag mas mabigat ang pasaning ibinigay sa kanya, mas matinding kagipitan ang nararanasan niya, at mas napipilitan siyang hanapin ang katotohanan at umasa sa Diyos. Sa huli, magagawa niya ang kanilang gawain nang maayos at masusunod ang kalooban ng Diyos, at sa gayon ay tatapak siya sa tamang daan ng pagkaligtas at nagawang perpekto—ito ang epektong nakakamtan kapag itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi sa paggawa ng partikular na mga gampaning ito, hindi nila malalaman kung ano ang kulang sa kanila, hindi nila malalaman kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila malalaman ang ibig sabihin ng taglayin ang katotohanang realidad. Kaya natutulungan sila ng paggawa ng partikular na gawain na matuklasan ang kanilang mga pagkukulang at natutulungan sila nitong makita sa kanilang mga kaloob, wala silang katotohanang realidad; natutulungan sila nitong madama kung gaano sila kahirap at kaawa-awa, ipinapatanto nito sa kanila na kung hindi sila aasa sa Diyos at hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila makakaya ang anumang gawain; nagbibigay-daan ito sa kanila na tunay na makilala ang kanilang sarili at malinaw na makita na kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at babaguhin ang kanilang disposisyon, magiging imposible para sa kanila na maging angkop na gamitin ng Diyos. Ang mga ito ang lahat ng epektong dapat makamtan kapag nililinang at sinasanay ang mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga aspketong ito makakayang hangarin ng mga tao ang katotohanan nang may praktikal na saloobin, aasal nang may kababaang-loob, makakatiyak na hindi na magyabang tungkol sa kanilang sarili habang ginagawa ang gawain nila, at patuloy na dinadakila ang Diyos at magpapatotoo tungkol sa Diyos sa paggawa ng kanilang tungkulin, at unti-unting papasok sa katotohanang realidad.Kapag itinataguyod at nililinang ang isang tao para maging lider, binibigyan sila ng kakayahang makakilatis sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao, sinasanay sa paghahanap ng katotohanan para lutasin ang mga paghihirap ng iba’t ibang tao, at sa pagsuporta at pagtustos sa iba’t ibang uri ng tao, at inaakay ang mga ito tungo sa katotohanang realidad. Kasabay nito, kailangan din nilang magsanay sa paglutas ng iba’t ibang problema at paghihirap na nararanasan nila sa gawain, at matuto kung paano kikilalanin at haharapin ang iba’t ibang uri ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, at kung paano gagawin ang paglilinis sa iglesia. Sa ganitong paraan, kumpara sa iba, mas marami silang mararanasan sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay-bagay, at mas maraming kapaligirang isinasaayos ng Diyos, at mas maraming salita ng Diyos ang makakain at maiinom nila, at makakapasok sila sa mas marami pang katotohanang realidad. Isa itong pagkakataon na makapagsanay sila, hindi ba? Kapag mas maraming pagkakataon sa pagsasanay, mas marami ang karanasan ng mga tao, mas malawak ang kanilang mga kabatiran, at mas mabilis silang lalago. Kung hindi gagawin ng mga tao ang gawain ng isang lider, gayumpaman, dadanas at sasailalim lang sila sa personal na pag-iral at personal na mga karanasan, at makikilala lang nila ang mga personal na tiwaling disposisyon at iba’t ibang personal na kalagayan—lahat ng ito ay nauugnay lang sa sarili nila. Sa sandaling maging lider sila, nahaharap sila sa mas maraming tao, pangyayari, at kapaligiran, na naghihikayat sa kanila na palaging lumapit sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Para sa kanila, bumubuo ng isang hindi nakikitang pasanin ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at likas din na lumilikha ng labis na mga kanais-nais na kondisyon para sa kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na isang mabuting bagay. Kaya, ang isang taong may kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kakayahan sa gawain ay mabagal na makakapasok bilang isang ordinaryong mananampalataya, at mas mabilis bilang isang lider o manggagawa. Para sa mga tao, mabuting bagay ba na makapasok sila sa katotohanang realidad nang mabilis, o nang mabagal? (Mabilis.) Samakatwid, pagdating sa mga taong nagtataglay ng kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at may kakayahan sa gawain, gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga gayong tao, maliban na lang kung hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan at nagsusumikap tungo sa katotohanan, kung saan sa gayong kaso, hindi sila pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Hangga’t ang isang tao ay may pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, tumutugon sa mga pamantayan ng pagiging isang lider o manggagawa, at handang maghangad sa katotohanan at magamit ng Diyos, kung gayon, walang dudang itataguyod niya at lilinangin siya ng sambahayan ng Diyos, bibigyan siya ng pagkakataon na magsanay bilang lider o manggagawa, at bibigyan siya ng kakayahang matutuhang gawin ang gawain ng iglesia, at matutu hang kumilatis ng mga tao, at matutuhang mangasiwa sa iba’t ibang problema sa iglesia, at matutuhang magsagawa ng iba’t ibang trabaho ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Sa panahon ng pagsasanay, kung kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang mapungusan, at kayang magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos, kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema, at matutong tratuhin ang lahat ng uri ng tao at makilala at pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao ayon sa mga salita ng Diyos, kung gayon, mauunawaan nilang mabuti ang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, at mauunawaan ang katotohanan at makakapasok sila sa realidad—ang mga ito ay mga bagay na hindi mararanasan o makakamit ng mga ordinaryong mananampalataya. Kaya, mula sa ganitong pananaw, mabuti ba o masama para sa sambahayan ng Diyos na itaguyod at linangin ang isang tao? Kapaki-pakinabang ba ito sa kanila, o isa ba itong paghihirap na ipinilit sa kanila? Kapaki-pakinabang ito sa kanila. Siyempre, kapag bago pa lang na naitataguyod ang ilang tao, hindi nila alam kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin o kung paano gawin ang mga ito, at medyo nalilito sila. Normal lang ito; sino ba ang ipinanganak na may kakayahang gawin ang lahat ng bagay? Kung kaya mong gawin ang lahat, tiyak na ikaw ang magiging pinakamayabang at pinakapalalo sa mga tao, at hindi ka susuko kaninuman—sa gayong sitwasyon, kaya mo pa rin bang tanggapin ang katotohanan? Kung kaya mong gawin ang lahat, sasandal ka pa rin ba sa Diyos at titingala sa Kanya? Hahanapin mo pa rin ba ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng iyong sariling katiwalian? Tiyak na hindi. Bagkus, magiging mayabang at palalo ka, at tatahakin mo ang landas ng mga anticristo, makikipaglaban ka para sa kapangyarihan at katayuan at hindi ka susuko kaninuman, at ililihis at bibitagin ang mga tao, at gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia—sa gayong kaso, magagamit ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos? Kung alam mong marami kang pagkukulang, dapat kang matutong sumunod at magpasakop, at gawin nang maayos ang iba’t ibang gampanin ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; magpapahintulot ito na unti-unti mong maaabot ang punto kung saan magagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Pero karamihan sa mga tao ay hindi kayang gumawa ng napakasimpleng bagay gaya ng pagsunod at pagpapasakop, kaya hindi nila dapat sisihin ang sambahayan ng Diyos sa hindi pagtataguyod at paglilinang sa kanila, dahil wala silang kakayahang sumunod. Kung maging ang pagsunod ay hindi mo magawa, maglalakas-loob ba ang sambahayan ng Diyos na itaguyod at linangin ka? (Hindi.) At bakit hindi? Ang paggamit sa iyo ay masyadong mapanganib, masyadong abala, at masyadong nakakabahala! Dahil kung sakaling gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, baka kontrolin mo ang mga tao at akayin sila tungo sa landas ng kabuktutan—kaya napakadelikado nito. Kung gagamitin ka, baka walang pakundangan kang gagawa ng mga maling gawa at lubusang guguluhin ang gawain, at kakailanganin kang tanggalin ng sambahayan ng Diyos at linisin ang lahat ng gulong ginawa mo—kaya napakalaking abala nito. At kung gagamitin ka, hindi mo malalaman kung paano gawin ang anumang gawain, at wala kang magiging anumang epekto sa gawain mo; sa lahat ng gawaing ginagawa mo, kailangan ka pang himukin, pangasiwaan, at subaybayan ng Itaas, na kailangan pang makialam sa lahat ng bagay—kaya, bakit ka pa gagamitin? Masyado kang nakakabahala! Ang ganitong klase ng tao ay talagang hindi puwedeng gamitin. Kahit linangin pa ang taong ito, wala rin itong magiging silbi, at magdudulot lang ng malaking abala at makakaapekto rin sa paglilinang ng iba; hindi ba’t magiging mas matimbang ang mga kawalan kaysa sa mga pakinabang? (Oo.)

May ilang tao na, dahil hindi sila kailanman itinaguyod o ginamit ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon ng mga ideya sa isipan nila at nagsasabing, “Bakit ni minsan ay hindi ako napapansin ng Itaas? Bakit ni minsan ay hindi ako itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos? Hindi ito patas!” Pero dapat muna nilang timbangin kung kaya ba nilang sumunod, at kung kaya nilang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Pangalawa, dapat nilang timbangin kung natutugunan nila ang tatlong pamantayan na kinakailangan para maitaguyod at malinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na maging mga lider at manggagawa—may kakayahang umarok sa katotohanan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kakayahan sa gawain. Kung natutugunan nila ang mga pamantayang ito, sa malao’t madali ay magkakaroon sila ng pagkakataon na maitaguyod, malinang, at magamit. Para maitaguyod nila ng sambahayan ng Diyos, may mga bagay na hinihingi mula sa kanila. At ano ang mga bagay na ito? Kinakailangan silang kumilos ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos; dapat nilang gawin ang hinihingi sa kanila, at sa paraang hinihingi, nang sa gayon ay malinang sila na matuto munang kumilos sa paraang may prinsipyo, at matutong hanapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan, at matutong makipagtulungan nang may pagkakaisa. Sa panahon ng paglilinang sa kanila, pupungusan sila paminsan-minsan ng sambahayan ng Diyos; paminsan-minsan, mahigpit silang pagagalitan; paminsan-minsan, magtatanong ito tungkol sa pag-usad ng kanilang gawain; paminsan-minsan, tatanungin sila nito kung kumusta na mismo ang gawain, at susuriin ang kanilang gawain; at paminsan-minsan, susubukin nito kung ano ang pananaw nila sa isang partikular na bagay. Ang pakay ng mga pagsubok na ito ay hindi para pahirapan sila, kundi para ipaunawa sa kanila, sa mga bagay na ito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung anong saloobin at mga prinsipyo ang dapat nilang taglayin. Ginagawa ito ng sambahayan ng Diyos para sanayin sila at himukin silang magsagawa. At ano ang pakay at layon ng pagsasanay ng mga tao? Ito ay para ipaunawa sa kanila ang katotohanan. Ang pakay ng pag-unawa sa katotohanan ay para magawa ng mga tao na magpasakop sa katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo, para makapanindigan sa kanilang posisyon at tapat na tumupad sa kanilang tungkulin, at, sa proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ganito sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa. Hangga’t nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, may pag-asang magagabayan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan. Gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan ng mga lider at manggagawa, ganoon din karaming katotohanan ang may pag-asang maunawaan ng mga taong ginagabayan nila. Kapag naaarok ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyo sa kanilang gawain, maaarok din ng mga taong ginagabayan nila ang mga prinsipyo at makakapasok ang mga ito sa katotohanang realidad sa gawain ng mga ito. Samakatwid, kailangang magtaglay ng mas mahusay na kakayahan kaysa sa ibang tao ang mga lider at manggagawang sumasailalim sa pagsasanay. Ipinapaunawa muna sa kanila ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok muna sa katotohanang realidad, at pagkatapos, mas maraming tao ang ginagabayan nila sa pagpasok sa katotohanang realidad at pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang palagay mo sa ganitong pamamaraan? (Mabuti ito.) Maaaring hindi gaanong nakapag-aral o hindi magaling magsalita ang gayong mga tao, o maaaring wala silang maraming nauunawaan tungkol sa teknolohiya o mga kasalukuyang balita, o pulitika. Maaring hindi rin sila ganoon kahusay sa isang propesyon. Pero kaya nilang maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, kaya nilang isagawa at danasin ang mga ito, at kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang gabayan ang mas maraming tao sa pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa pagsunod ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tinutukoy natin kapag pinag-uusapan natin ang uri ng mga taong may talento na itinataguyod at nililinang para maglingkod bilang mga lider. Mahirap ba itong unawain? (Hindi.) Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Nagsasalita ka tungkol sa mga taong may talento, kung gayon, sila ba ang mga pinakamataas sa lipunan? Dapat bang sila ay nakapagpatakbo na ng isang negosyo, o naging isang CEO o negosyante sa lipunan? Sila ba ay mga estadista na may karanasan sa pulitika, o mga magaling sa negosyo, sining at literatura? Sila ba ay mga taong napakatalino?” Ang mga taong may talento na binabanggit sa sambahayan ng Diyos ay naiiba sa mga taong may talento sa mundo sa labas. Ano ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” na binabanggit natin? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng kakayahang umunawa sa katotohanan, gumabay sa mga tao tungo sa katotohanang realidad, at pagiging marunong kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at lumutas ng iba’t ibang kalagayan at suliranin na kinasasangkutan ng mga tao, at pagkakaroon ng mga tamang pananaw at saloobin kapag nahaharap sa mga isyu, at pagtataglay ng mga pananaw at saloobin na dapat mayroon ang mga taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Hindi ito tumutukoy sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, o sa mga taong mapagpaimbabaw, o sa mga taong nagsasabi ng tila mga importanteng bagay at naglilitanya ng retorika. Sa halip, tumutukoy ito sa mga taong may katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng “mga taong may talento.” Wala ba itong kabuluhan? (Hindi.) Hindi ba’t napakapraktikal ng mga pamantayang ito na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga ganitong uri ng taong may talento na itinataguyod at nililinang nito para maging mga lider at manggagawa? (Oo.) Sobrang praktikal! Hindi kinakailangang magkaroon ng mataas na antas ng pinag-aralan ang gayong mga kandidato, subalit kailangang mayroon silang kakayahan kahit papaano na makaarok sa katotohanan.Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi nila kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan, ayos lang ba na hindi sila marunong magbasa at magsulat?” Hindi posibleng makakabasa ng mga salita ng Diyos kung walang kaunting edukasyon. Kailangan nilang maunawaan ang nakasulat na salita, pero hindi naman kailangan ng mataas na antas ng pinag-aralan. Kasama sa mga itinataguyod sa sambahayan ng Diyos ay ang mga nagtapos ng high school, kolehiyo, at Ph.D., kaya, walang limitasyon pagdating sa antas ng pinag-aralan. Dagdag pa rito, wala ring limitasyon sa katayuan ng isang tao sa lipunan. Mula sa mga magsasaka at mga intelektuwal, hanggang sa mga negosyante at mga maybahay—lahat ng uri ng tao ay tinatanggap. Bukod sa kawalan ng limitasyon sa antas ng edukasyon at katayuan sa lipunan, ang mga kinakailangang pamantayan ay iyong ilan na nabanggit ko. Makatwiran ba iyon? (Oo.) Sobrang makatwiran! Ngayon, nauunawaan mo na ba nang kaunti kung ano ang ibig Kong sabihin sa “mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos”? (Oo.) Ang mga taong nakakatugon sa ilang pamantayang ito ng pagkakaroon ng kakayahang umarok sa katotohanan, pagbubuhat ng pasanin, at pagkakaroon ng kakayahan sa gawain ay mga kandidato sa pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos. Kung natutugunan nila ang mga pamantayang ito, kuwalipikado sila. Pagdating sa ibang bagay tulad ng edukasyon, pinagmulan na pamilya, katayuan sa lipunan, hitsura, at iba pa, hindi ganoon kataas ang mga pamantayan. Ito ay tungkol sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao para maging mga pinuno at manggagawa.

Katatalakay lang natin ang tungkol sa ilang pamantayan na dapat tugunan ng mga taong may talento na may mga kasanayan, o propesyon upang maitaguyod at malinang sila. Kabilang sa mga ito ay na dapat mahal nila ang mga positibong bagay at kayang tanggapin ang katotohanan, hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok, kayang maging tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga nang walang reklamo, at sa pinakamababa, hindi gumawa ng kasamaan—mahalaga ang ilang pamantayang ito pagdating sa mga taong ito. Kung gayon, ano ang layon sa pagtataguyod at paglilinang sa mga taong ito? Gayundin, ito ay upang sa tuwing mahaharap sa mga problema ang mga taong ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at gumagawa ng partikular na gawain, makakaya nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa proseso ng pagsasagawa ng pagpasok, hindi namamalayang sinasanay at kinokontrol sila, at sinasanay na bitiwan ang sarili nilang mga layunin, ituwid ang mga mali at kakatwang pananaw nila sa mga makamundong tao, bitiwan ang ilang parang batang kaisipan, at bitiwan ang mga pagkiling, kuru-kuro, at mga imahinasyon tungkol sa pananalig sa Diyos, at mga bagay na tulad nito. Siyempre, anuman ang mangyari, ang prosesong ito ng pagsasanay ay naglalayon na unti-unting makaunawa ang mga tao sa katotohanan, matutong magpasakop, at matutong pumasok sa iba’t ibang katotohanang realidad. Sa proseso ng pagkatuto, unti-unti nilang nakakabisado ang mga katotohanang prinsipyo, nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung ano ang ibig sabihin ng paggawa ng kanilang tungkulin, at sa huli, unti-unti nilang nauunawaan kung ano ang dapat nilang gawin para magampanan ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, kung paano nila dapat gawin ang mga bagay-bagay gaya ng nararapat gawin ng isang mananampalataya, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga bagay na unti-unti pinapasok ng mga tao matapos silang maitaguyod at malinang. Ang proseso ng unti-unting pagpasok ng mga tao ay ang proseso ng paglilinang, at ang proseso ng paglilinang, sa katunayan, ay ang proseso ng pagsasagawa ng mga tao ng pagpasok sa katotohanang realidad. Ngunit kung hindi ka pa naitaguyod at nalinang, at kumikilos ka lang bilang ordinaryong mananampalataya na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagbabahagi tungkol sa katotohanan, o natututo ng mga himno, hindi mo tunay na tinutupad ang tungkulin mo bilang isang nilikha sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, kaya malayong ginagawa mo ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Ni hindi nga malinaw sa iyo kung anong mga prinsipyo ang dapat mong maarok sa paggawa mo ng tungkulin mo, at kaya mo lang magsalita ng mga doktrina at islogan; samakatwid, hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad, at mabagal ang pagpasok mo sa buhay. Gayundin, ang pakay at layon ng pagtataguyod at paglilinang sa mga taong ito na nakikilahok sa mga propesyonal na gampanin ay para mas mabilis silang makapasok sa katotohanang realidad at magkamit ng mas maayos at mas tumpak na pag-arok sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga nakakaarok sa mga katotohanang prinsipyo at nakakapasok sa katotohanang realidad—sila ang mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos. Ano ang tinutukoy na ganitong uri ng taong may talento? Ito ay iyong mga tao na—batay sa pagmamahal sa mga positibong bagay, at kakayahang magdusa ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, at pagiging hindi baluktot sa kanilang pag-arok, at hindi pagiging masasamang tao—nagtamo ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo at nakapasok sa katotohanang realidad, at nagawang magpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at mayroong medyo may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang ikalawang uri ng mga taong may talento na tinutukoy Ko. Ang mga hinihingi para sa kanila ay praktikal din, sapat na tiyak, at hindi malabo. Kung gayon, ang ganitong uri ba ng mga taong may talento ay kinakailangan na maging ang pinakamataas sa lipunan, at may karanasan sa pakikisalamuha, at may partikular na antas ng pinag-aralan at may partikular katayuan sa lipunan? (Hindi.) Hindi kailanman hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng katayuan sa lipunan, kilala, antas ng pinag-aralan o mataas na antas ng kaalaman—hindi kailanman hinihingi ang mga bagay na ito. Sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao, hindi tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang anyo nila, ibig sabihin, kung gaano sila kapangit o kaganda. Maliban sa hindi pagtataguyod sa mga uri ng tao na mukhang mga walang pananampalataya, o mga mukhang kakila-kilabot o buktot, ang iba pang mga pamantayan ay iyong mga kababanggit Ko lang—ito ang mga pinakapraktikal. Kapag itinataguyod ng mga walang pananampalataya ang isang tao, tinitingnan muna nila ang hitsura ng tao; dapat guwapo ang mga lalaki, parang mga opisyal, at dapat maganda ang mga babae, parang mga diwata. Dagdag pa rito, ikinukumpara rin nila ang mga antas ng pinag-aralan, katayuan sa lipunan, pinagmulan ng pamilya, at katusuhan ng mga tao. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo pero wala kang katusuhan, hindi ka rin papasa; hindi ka kailanman maitataguyod at walang magpapahalaga sa iyo. Kung mataas ang antas ng pinag-aralan mo at may tunay kang talento, pero hindi ka gaanong kagandahan o kagwapuhan, hindi matangkad, at hindi marunong mambola o makipaglapit sa mga nakatataas sa iyo, hindi ka kailanman maitataguyod o malilinang hangga’t nabubuhay ka, at hindi ka matutuklasan ng sinuman. Kaya, ang mga walang pananampalataya ay may ganitong kasabihan, “Maraming mabilis na kabayo, ngunit kakaunti ang nakakakilala sa kanila.” Totoo ba ito sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba ang kasabihang “Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang”? May batayan ba ito? (Wala.) Madalas itong sinasabi ng mga taong mapangutya at hindi sumusuko kaninuman. Palaging gustong numingning—ito ay isang ambisyon ng tao. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi ginto; mga ordinaryong tao lang sila. Ang pagtataguyod at paglilinang na tinatalakay natin ay isa lang paraan ng pagsasalita; sa katunayan, tumutukoy ito sa pagtataas ng Diyos. Ikaw ba, na isang nilikha, ay ginto sa harap ng Lumikha? Isa ka lang alabok, ni hindi ka man lang tanso o bakal. Bakit Ko sinasabing alabok ka sa halip na ginto? Walang anumang kapuri-puri tungkol sa mga tao. Maaaring tinatanong ng ilan: “Hindi ba’t taliwas ang sinabi mo? Hindi ba’t kasasabi mo lang na maaaring maitaguyod ng isang tao kung natutugunan niya ang pamantayan ng pagmamahal sa mga positibong bagay?” Bilang isang tao, hindi ba’t dapat mong mahalin ang mga positibong bagay? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, ginto ka na ba dahil dito? Magniningning ka ba dahil dito? Kung mahal mo ang ilang positibong bagay, nangangahulugan ba ito na taglay mo ang katotohanan? Tanging sa pagkakaroon ng katotohanan nagniningning ang isang tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, paano masasabing nagniningning ka? Ang katunayan ay na walang nauunawaang anumang katotohanan ang isang nilikha. Ang pagtataglay ng kaunting pagkatao, at ng kaunting abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan ay hindi nangangahulugan na likas na taglay ng isang tao ang katotohanan. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga tao, at kahit na matuwid o mabuti ang pagkatao nila, hindi katotohanan ang mga bagay na ito, ang mga ito ay mga katangian lang na dapat taglayin ng normal na sangkatauhan. Kaya, huwag magsalita ng tungkol sa pagniningning. Kung gayon, kailan nga ba maaaring magningning nang kaunti ang isang tao? Kapag kaya na niyang bigkasin ang mga salita ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21), doon masasabi na nagniningning sila nang kaunti at namumuhay sa liwanag. Kapag kaya mong gamitin ang katotohanang realidad na tinataglay mo at ang katotohanang nauunawaan mo para magtustos, magsuporta, at mamuno sa iba, nang sa gayon ay madala sila sa harap ng Diyos at sa katotohanang realidad, makapagpasakop sa Diyos, at sumamba sa Diyos, saka ka pa lang magkakaroon ng kaunting ningning.

Ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento na nililinang ng sambahayan ng Diyos ay hindi mga taong may pambihirang kakayahan; sila ay mga ordinaryong, tiwaling tao lang. Basta’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan, sumunod at magpasakop, at nagtataglay ng partikular na kakayahan, gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtata guyod at paglilinang sa kanila. Kapag nagsasalita Ako ng tungkol sa paggawa ng eksepsiyon para itaguyod at linangin ang mga tao, tungkol ito sa pagtataas ng Diyos, tungkol ito sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataon na humarap sa Diyos, tanggapin ang pamumuno ng Diyos, at tanggapin ang paglilinang at pagsasanay Niya sa iyo, para sa panahong ito ay makapasok ka sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon at tumpak na maarok ang mga katotohanang prinsipyo, magawa ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at mamuhay nang may wangis ng isang tao. Ito ang ibig sabihin ng terminong “mga taong may talento” sa sambahayan ng Diyos. Ni katiting ay hindi malaki at kahanga-hanga ang gayong mga tao; nauunawaan lang nila ang katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at kaya nilang gawin ang kanilang tungkulin nang tapat at responsable, at may kaunti silang sinseridad at kaya nilang magbayad ng kaunting halaga, at hindi sila kumikilos nang walang pakundangan batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa paggawa ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pagtataguyod at paglilinang sa mga taong nakakatugon sa mga pamantayang ito, at pagsasanay sa kanila, nararapat ba itong gawin ng sambahayan ng Diyos? Kapaki-pakinabang ba ito sa mga tao? Oo, lubos itong kapaki-pakinabang sa mga tao! Katulad ng ibang mananampalataya, nananampalataya sa Diyos ang mga itinataguyod at nililinang, at nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, at nakikinig sa mga sermon, at gumagawa ng kanilang tungkulin, pero kumpara sa ibang mananampalataya, mas mabilis silang lalago at mas marami silang makakamit. Gusto ba ninyong magkamit ng marami, o magkamit ng kaunti lang? (Magkamit ng marami.) Karamihan ng tao ay may ganitong pagnanais, na nangangahulugang mahal nila ang mga positibong bagay. Minsan, nakikipagbahaginan Ako sa ilang grupo tungkol sa pagpasok sa buhay, at marami-rami ang nakikilahok para makinig, na nagpapakita na karamihan ay may masidhing pagnanais para sa katotohanan, at handang maunawaan nang mas higit pa ang katotohanan, at handa ring pumasok sa katotohanang realidad. Sa simula, nakipagbahaginan Ako sa ilang tao at talagang manhid sila. Nagsalita ako nang mahabang oras pero hindi sila tumugon, o nagpakita man lang ng kahit katiting na pahiwatig ng pagngiti. Matapos ang isa o dalawang taon ng pakikisalamuha sa kanila, naging mas natural ang ekspresyon ng mukha at tumutugon na rin ang karamihan sa kanila, at sa paglipas ng panahon, medyo mas mabilis na ang kanilang mga tugon. Ibig sabihin, mula sa pagiging patay, sila ay naging buhay at nagising ang kanilang espiritu. Paano ito nangyari? Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kahit gaano pa nila kamahal ang mga positibong bagay, o kahit gaano pa sila katalino o kamautak, mga patay na tao pa rin sila. Ang ilang tao ay nagsisimula bilang hangal o mapurol ang isip, walang sinuman sa mundo sa labas ang may mataas na tingin sa kanila, at wala rin silang gaanong natututunan o nalalaman. Pero pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, nakakaunawa na sila ng maraming katotohanan at nakakakita na ng maraming bagay nang malinaw, at pagkatapos ay nakakapagsabuhay sa wangis ng mga tao, kaya sila nagiging buhay na mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “buhay na mga tao”? Hindi ito tungkol sa kung buhay o patay ang iyong pisikal na katawan, o kung kayang gumalaw o huminga ang katawan mo, kundi ito ay kung may kamalayan at sensitibo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang iyong espiritu. Tumutugon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ang mga buhay na tao. Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, nagkakaroon sila ng kamalayan, landas, plano, at layon. Walang mga ganitong pagpapamalas ang mga patay na tao. Kaya, kung itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, higit na magkakamit ang taong ito. Kung gayon, paano makakapagkamit nang sapat ang mga taong hindi nakakatugon sa mga pamantayang ito at hindi itinataguyod o nililinang? Paano sila mabilis na makakapasok sa katotohanang realidad? Kailangan nilang matutong isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, unawain ang maraming katotohanan, at magawa ring gamitin ang katotohanan para makilatis ang mga tao at malutas ang mga problema—saka sila makakapasok sa katotohanang realidad.

Sinasabi ng ilang tao: “Dahil itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento at pinahihintulutan silang makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay hindi makakapasok sa katotohanang realidad ang mga taong walang talento?” Tama ba na sabihin iyon? (Hindi, mali ito.) Kung gayon, pagkatapos ng pagbabahaginan tungkol sa paksang ito, pinasabik ba nito ang ilang tao habang pinapalungkot at binibigo ang iba? Dapat ganito ito tingnan ng isang tao: Hindi dapat magmalaki ang mga taong itinaguyod at nilinang. Walang kang dapat ipagyabang, biyaya at pagpapala ito ng Diyos. Kapag binibigyan ka ng Diyos nang higit pa, hinihingi rin Niya na higit mong ibigay ang iyong sarili. Kung gumagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod at paglilinang sa iyo, nangangahulugan ito na kailangan mong magbayad ng mas malaking halaga. Kung kaya mong pagdusahan ang paghihirap na ito, siyempre, mas marami kang makakamit. Kung sasabihin mo, “Ayaw kong magdusa sa paghihirap na ito,” hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong makamit ang mga bagay na iyon pero sa tingin ko ay hindi ko kaya, kasi hindi naman gagawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod at paglilinang sa akin. Hindi ko natutugunan ang mga pamantayan.” Hindi mahalaga kung hindi mo natutugunan ang mga pamantayan. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan at nagsusumikap ka para dito, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Nakakapasok lang sa katotohanang realidad nang mas maaga ang mga taong ito na itinataguyod at nililinang dahil sa kanilang kakayahan at dahil sa kanilang iba’t ibang kondisyon. Gayumpaman, ang maagang pagpasok na ito ay hindi nangangahulugang sila lang ang makakapasok sa katotohanang realidad. Ibig lang sabihin nito ay maaari silang magkamit nang medyo mas maaga, at makakapasok sa katotohanang realidad nang medyo mas mabilis. Ang mga hindi naitaguyod ay medyo mahuhuli nang kaunti sa kanila, pero hindi ito nangangahulugan na hindi na sila makakapasok sa katotohanang realidad. Kung makakapasok o hindi ang isang tao sa katotohanang realidad ay nakadepende sa mga paghahangad niya. Itong mga taong itinaguyod at nilinang ay mas mabilis na nakakaarok sa mga katotohanang prinsipyo at mas mabilis na nakakapasok sa katotohanang realidad habang nasa proseso ng paglilinang, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, tama lang na itaguyod at linangin ang mga taong natutuklasan na may mahusay na kakayahan at nagmamahal sa katotohanan. Kung matutuklasan ng isang tao ang mga taong ito at itataguyod at lilinangin niya sila nang hindi sila kinaiinggitan o pinapabagsak, sa halip ay inaalagaan sila, kung gayon, isinasaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung ang ilan ay naiinggit at nag-aalala na mas mahusay ang mga taong ito kaysa sa kanila at nahihigitan sila, kaya’t ibinubukod at pinapabagsak nila ang mga ito, malinaw na isa itong masamang gawa at isang bagay na kadalasang ginagawa ng mga anticristo. Tanging ang masasamang tao at mga anticristo ang makakagawa ng pang-aatake at pagbubukod sa mga kapatid.

Ang Pang-unawa at Saloobin na Dapat Taglayin ng Isang Tao Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa mga Tao

Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang mga layon ng sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ano man ang uri ng gawaing ginagawa niyong mga napiling itaguyod at linangin—ito man ay teknikal na gawain, ordinaryong gawain, o mga pangkalahatang gawain sa iglesia—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay alang-alang sa pagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad, at upang magawa nila ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan sa lalong madaling panahon para matugunan ang mga layunin ng Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao at siyempre, ito rin ang kinakailangan para sa gawain ng iglesia. Nauunawaan mo na ba ngayon ang kahalagahan ng pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento? Mayroon pa rin bang anumang maling pagkaunawa? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao, “Ngayong itinataguyod na ang taong ito bilang lider, at may katayuan na siya, hindi na siya isang ordinaryong tao.” Tama ba o mali na sabihin ito? (Mali.) Maaaring sinasabi ng iba, “May katayuan ang mga nagiging lider, pero malungkot sa itaas. Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak!” Tama ba o mali na sabihin ito? Malinaw na mali ito. Sinong mga tao ang tinutukoy ng kasabihang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak”? Tumutukoy ito sa mga taong may mga ambisyon at pagnanais, sa mga anticristo. Kapag naging lider ang mga naghahangad sa katotohanan, hindi iyon mataas na pag-akyat—ito ay pagbibigay ng Diyos ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pagtataas sa kanila, at ang pagpapala ng Diyos ang naglalagay ng pasaning ito sa kanila at nagpapahintulot sa kanila na gawin ang gawain ng isang lider. Ang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak” ay isang kongklusyong ginawa ng mga walang pananampalataya, at inilalarawan nito ang mga kahihinatnan ng paghahangad ng mga walang pananampalataya ng isang propesyon sa pagiging opisyal. Walang pagkilatis ang mga hindi mananampalatayang iyon at ginagamit nila ang kasabihang ito sa mga positibong tao, na isang malubhang pagkakamali. Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Ipinanganak siya sa probinsiya, at ngayon ay naging lider na siya ng iglesia—isang mataas na agilang may mababang simula.” Tama ba o mali ba na sabihin ito? Ito ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya at hindi ito maaaring gamitin sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, pinagpapala ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan, ang matatapat, ang mga may mabuting kalooban, at ang mga nagtatanggol sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at makamtan ang kaunting tayog, itataguyod sila para sa paglilinang at pagsasagawa sa malao’t madali, para palitan iyong mga huwad na lider at anticristo. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga positibong tao na sumailalim sa maraming hamon at pagsubok at patuloy na nagtatanggol sa gawain ng sambahayan Diyos ay mga taong sinasang-ayunan ng Diyos, at hindi magiging akma na gamitin ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga taong ito. Kaya, iyong mga palaging gumagamit ng mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga usapin sa sambahayan ng Diyos at para ipahayag ang sarili nilang mga pananaw ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan at may mga kakatwang pananaw sa mga bagay-bagay. Hindi nagbago kahit kaunti ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay, at nananatiling mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, subalit wala pa rin silang anumang nakamit na katotohanan man lang at hindi pa rin nila kayang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos—kaya, ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Kapag itinataas ng ranggo ang isang tao para magsilbing lider o manggagawa, o nililinang siya para maging superbisor ng isang uri ng teknikal na gawain, ito ay walang anuman kundi pagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos ng isang pasanin. Ito ay isang atas, isang responsibilidad, at siyempre, isa rin itong espesyal na tungkulin, isang espesyal na oportunidad, at ito ay isang natatanging pagtataas—walang kapuri-puri tungkol sa kanya. Kapag ang isang tao ay itinataas ng ranggo at nililinang ng sambahayan ng Diyos, hindi ibig sabihin no’n ay mayroon siyang espesyal na posisyon o katayuan sa sambahayan ng Diyos, kaya maaari siyang magtamasa ng espesyal na pagtrato at pabor. Sa halip, pagkatapos niyang lubos na maitaas ng sambahayan ng Diyos, binibigyan siya ng mga napakagandang kondisyon para makapagsanay sa sambahayan ng Diyos, para makapagsagawa ng ilang makabuluhang gawain sa iglesia, at kasabay niyon, ang sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mga mas mataas na hinihinging pamantayan para sa taong ito, na labis na kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok. Kapag itinataas ng ranggo at nililinang ang isang tao sa sambahayan ng Diyos, ibig sabihin ay magiging mahigpit ang mga hinihingi sa kanya at maigting siyang pangangasiwaan. Mahigpit na iinspeksyunin, pangangasiwaan, at isusulong ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ginagawa niya, at mauunawaan at bibigyang-pansin ang kanyang pagpasok sa buhay. Mula sa mga pananaw na ito, nagtatamasa ba ang mga taong itinataas ng ranggo at nililinang ng sambahayan ng Diyos ng espesyal na pagtrato, espesyal na katayuan, at espesyal na posisyon? Hindi talaga, at lalo nang hindi sila nagtatamasa ng anumang espesyal na posisyon. Para sa mga taong naitaguyod at nalinang, kung pakiramdam nila ay mayroon silang kapital na bunga ng medyo epektibong paggawa nila sa kanilang tungkulin, kung kaya’t hindi sila umuunlad at tumitigil sila sa paghahangad ng katotohanan, kung gayon, manganganib sila kapag nahaharap sa mga pagsubok at pagdurusa. Kung masyadong maliit ang tayog ng mga tao, malamang na mawawalan sila ng kakayahang manindigan. Sinasabi ng ilan, “Kung ang isang tao ay itinataas ng ranggo at nililinang bilang isang lider, mayroon siyang posisyon. Kahit hindi siya isa sa mga panganay na anak, kahit papaano ay may pag-asa siyang maging isa sa mga tao ng Diyos. Hindi pa ako naitaas ng ranggo o nalinang kahit kailan, kaya wala ba akong pag-asang maging isa sa mga hinirang ng Diyos?” Maling mag-isip sa ganitong paraan. Para maging isa sa mga tao ng Diyos, dapat magkaroon ka ng karanasan sa buhay, at dapat kang maging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Lider ka man, manggagawa, o ordinaryong tagasunod, sinumang nagtataglay ng mga katotohanang realidad ay isa sa mga tao ng Diyos. Kahit isa kang lider o manggagawa, kung wala kang mga katotohanang realidad, isa ka pa ring trabahador. Sa katunayan, walang espesyal sa mga taong itinataguyod at nililinang. Ang tanging bagay na may kaibahan sa iba ay ang pagkakaroon nila ng mas paborableng kapaligiran, mas maraming paborableng pagkakataon, at mas maayos na mga kondisyon para gumawa ng partikular na gawaing may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit na ang karamihan sa gawain nila ay may kinalaman sa isang partikular na propesyon, kung walang mga katotohanang prinsipyo para makontrols at mahigpit na mangasiwa sa mga ito, hindi aayon sa mga prinsipyo ang tungkulin nila, at para lamang silang nagtatrabaho, at tiyak na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa mga iba’t ibang taong may talento na itinataguyod at nililinang? Upang maitaguyod at malinang ng sambahayan ng Diyos, sa pinakamababa, kailangang sila ay mga taong may konsensiya at katwiran, mga taong kayang tumanggap ng katotohanan, mga taong tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin, at mga taong kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at sa pinakamababa, kailangang magawa nilang tumanggap at magpasakop kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Ang resultang dapat makamit ng mga taong sumasailalim sa paglilinang at pagsasanay ng sambahayan ng Diyos ay hindi para maging mga opisyal o amo sila, o pamunuan ang grupo, at hindi para mamanipula nila ang isipan ng mga tao, at siyempre, lalong hindi para magkaroon sila ng mas mahusay na propesyonal na kasanayan, mas mataas na antas ng edukasyon, o mas mataas na reputasyon, o na para maihalintulad sa mga sikat sa mundo dahil sa kanilang mga propesyonal na kasanayan o mga tagumpay sa pulitika. Sa halip, ang resultang dapat makamtan ay na maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang mga salita ng Diyos, at na sila ay mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Habang nagsasanay sila, nauunawaan nila ang katotohanan at naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, at mas tumpak na nalalaman kung ano ang pananalig sa Diyos at kung paano sumunod sa Diyos—lubos itong kapaki-pakinabang para sa mga naghahangad sa katotohanan para makamit ang pagiging perpekto. Ito ang epekto at pamantayan na nais matamo ng sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento, at ito rin ang pinakamalaking bungang naaani ng mga taong itinaguyod at ginamit.

Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin nang sapat na responsable at sinasang-ayunan sila ng mga hinirang ng Diyos, kaya’t nililinang sila ng iglesia para maging mga lider o manggagawa. Pagkatapos magtamo ng katayuan, nagsisimula silang makaramdam na namumukod-tangi sila sa karamihan at iniisip nila, “Bakit ako ang pinili ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dahil mas mahusay ako kaysa sa inyong lahat?” Hindi ba’t parang ganito ang sasabihin ng isang bata? Ito ay pagiging isip-bata, katawa-tawa, at kawalang-muwang. Sa katunayan, ni katiting ay hindi sila mas mahusay kaysa sa ibang tao. Sadyang natutugunan lang nila ang mga pamantayan para malinang sila ng sambahayan ng Diyos. Makakaya man nilang pasanin ang responsabilidad na ito o hindi, ang gawin nang maayos ang tungkuling ito o tapusin ang ipinagkatiwalang ito ay ibang usapan na. Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataasng ranggo at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na isa na siyang lider na pasok sa pamantayan, o isang mahusay na lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggo. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananalig sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, nagagawa ba nilang madalas na humaharap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayahan sa mga gayong bagay. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kaya ano ang layunin at kabuluhan ng pagtataas ng ranggo at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay itinataguyod bilang isang indibidwal, para makapagsagawa sila, at para mas madiligan at masanay sila, nang sa gayon ay maunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayahang isagawa ang kanilang gawain at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa oras ng pagtataguyod at paglilinang o bago ang pagtataguyod at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang. Hindi dapat magkaroon ng anumang mataas na ekspektasyon ang mga tao o ng mga di-makatotohanang hinihingi sa mga itinataguyod at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong pangasiwaan ang kanilang gawain. Kung may madiskubre kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang nagtatrabaho sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay hatulan, kondenahin, batikusin, o ihiwalay sila, dahil nasa panahon pa lang sila ng paglilinang, at hindi sila dapat ituring na mga taong nagawa nang perpekto, lalo nang hindi ng mga taong hindi mabuti, o bilang mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Gaya ninyo, sila ay nasa panahon pa lang ng pagsasanay. Ang pagkakaiba ay na mas marami silang gawaing ginagawa at responsabilidad kaysa mga ordinaryong tao. May responsabilidad at obligasyon silang gumawa ng mas maraming gawain; kailangang magbayad sila ng mas malaking halaga, higit na magdusa ng paghihirap, mas gumugol ng pag-iisip, lumutas ng mas maraming problema, magtiis sa mas maraming pamimintas ng mga tao, at siyempre pa, dapat silang gumugol ng higit na pagsisikap, at—kumpara sa mga ordinaryong taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin—dapat mas kakaunti ang tulog nila, kumain ng mas simpleng pagkain, at hindi masyadong makipagtsismisan. Ito ang espesyal sa kanila; maliban dito, katulad sila ng sinumang iba pa. Ano ang layunin ng pagsasabi Ko nito? Ito ay para ipaalam sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang iba’t ibang uri ng talento na isinusulong at nililinang sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito, at, siyempre, na hindi rin sila dapat maging hindi makatotohanan sa kanilang pananaw tungkol sa mga ito. Kahangalan ang labis na paghanga at pagtingala sa kanila; hindi makatao at hindi makatotohanan ang humingi nang labis na malupit sa kanila. Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kinakailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan ka sa kanila at matuto mula sa kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsibilidad ng lahat na subaybayan kung gumagawa ba ang mga lider at manggagawa ng totoong gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya maasikaso at maayos ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba, hindi ito makakabuti kahit kanino.

May ilang tao na itinataas ng ranggo at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama niya, na magiging dahilan para mas mapabilis at tama sa oras ang paglutas sa problema. Kung tututok ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, “Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.” Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano magtrabaho nang matiwasay kasama ng iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema sa oras, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil katataas pa lang ng ranggo mo at nasa probasyon ka pa rin, at hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakataas ng iyong ranggo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang may nadarama kang pasanin sa gawain at nagtataglay ka ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling itaas ng ranggo at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang itaas ng ranggo at maging lider o manggagawa, nagsimula kang igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng kapaimbabawan ng mga Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari ka namang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa Itaas, at kung natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kakayahan sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang kahit sino para magpaalala o magbahagi sa iyo, o kahit sino para tustusan o suportahan ka, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at mapagmagaling, masyadong walang katwiran. Ni hindi mo nga alam ang sarili mong katangian—hindi ba’t dahil dito ay isa kang taong magulo ang isip? Ang gayong mga tao ay hindi talaga natutugunan ang mga pamantayan ng pagtataas ng ranggo at paglinang ng sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay tatanggalin at ititiwalag sila. Kaya, dapat malinaw sa bawat lider o manggagawa na bagong taas ang ranggo na wala silang katotohanang realidad, dapat mayroon silang ganitong kamalayan sa sarili. Ikaw ngayon ay isa nang lider o manggagawa hindi dahil itinalaga ka ng Diyos, kundi dahil itinaas ng ibang mga lider at manggagawa ang ranggo mo, o dahil inihalal ka ng mga hinirang na tao ng Diyos; hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanang realidad at tunay na tayog. Kapag nauunawaan mo ito, magkakaroon ka ng kaunting katwiran, na siyang katwiran na dapat tinataglay ng mga lider at manggagawa. Naiintindihan mo na ba ngayon? (Oo.) Kung gayon, paano mismo kayo dapat gumawa? Paano ninyo dapat isagawa ang maayos na pakikipagtulungan? Paano ninyo dapat hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa tuwing nahaharap kayo sa mga ito? Dapat na maunawaan ang mga bagay na ito. Kung nabunyag ang mga tiwaling disposisyon, hanapin ninyo ang katotohanan at lutasin ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi malutas ang mga ito sa tamang oras at makaapekto sa gawain ninyo, problema ito. Kung hindi kayo pamilyar sa isang propesyon, dapat din kayong mag-aral agad-agad. Dahil nangangailangan ng propesyonal na kaalaman ang ilang tungkulin, kung nauunawaan lang ninyo ang katotohanan nang walang pagkakaarok sa anumang propesyonal na kaalaman, maaapektuhan din nito ang mga resulta ng inyong gawain. Kahit papaano, dapat may naaarok at nauunawaan kayong kaunting pangunahing propesyonal na kaalaman, para maging epektibo kayo sa pagsusubaybay at paggabay sa gawain ng mga tao. Kung dalubhasa lang kayo sa isang propesyon pero hindi nakakaunawa sa katotohanan, magkakaroon din ng mga kakulangan sa gawain ninyo, kaya, kakailanganin din ninyong hangarin ang katotohanan at makipagtulungan sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan para magawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin. Dahil lang sa dalubhasa ka sa mga propesyonal na kasanayan o sa isang partikular na larangan ng kaalaman, hindi ito nangangahulugang nakakagawa ka ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, kaya mahalagang makipagbahaginan sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan—ito ay isang prinsipyong dapat ninyong sundin. Anuman ang ginagawa ninyo, hindi kayo dapat magpanggap. Nasa panahon ka ng pagsasanay at paglilinang, at mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, alam ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Oo.) Kaya, hindi ba’t magmumukha kang hangal kung magpapanggap ka? Gusto ba ninyong maging hangal? (Ayaw namin.) Kung ayaw ninyong maging hangal, anong uri ng tao dapat kayo? Maging mga tao kayo na may katwiran, mga taong kayang mapagpakumbabang hanapin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan. Huwag magpanggap, huwag maging mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Kaunting propesyonal na kaalaman lang ang alam mo, hindi ito ang mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang maghanap ng paraan upang angkop na magamit ang iyong mga propesyonal na kalakasan at magamit ang iyong nakuhang kaalaman at natutunan batay sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? Hindi ba’t isa itong landas ng pagsasagawa? Kapag natutunan mo nang gawin ito, magkakaroon ka ng landas na susundan at makakapasok ka na sa katotohanang realidad. Anuman ang iyong gawin, huwag maging matigas ang ulo, at huwag magpanggap. Ang pagiging matigas ang ulo at pagpapanggap ay hindi makatwirang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Bagkus, ito ang pinakahangal na paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga pinakahangal na tao. Tanging ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamatatalinong tao.

Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mayroon na ba kayong wastong pagkaunawa at pananaw tungkol sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ngayong mayroon na kayong wastong pananaw ukol dito, magagawa ba ninyong harapin nang tama ang mga taong ito? Dapat ninyong harapin nang tama ang mga kalakasan nila, pati na rin ang mga pagkukulang at kahinaan nila pagdating sa kanilang pagkatao, gawain, propesyon, at iba’t iba pang aspekto—dapat harapin nang tama ang lahat ng bagay na ito. Higit pa rito, kayo man ay itinaguyod o nilinang bilang mga lider o manggagawa, o kayo man ay mga indibidwal na may talento sa iba’t ibang propesyon, lahat kayo ay ordinaryo, lahat kayo ay nagawang tiwali ni Satanas, at wala ni isa sa inyo ang nakakaunawa sa katotohanan. Kaya, wala ni isa sa inyo ang dapat magbalatkayo o magtago; sa halip, dapat matuto kayong magtapat sa pakikipagbahaginan. Kung hindi kayo nakakaunawa, aminin ninyong hindi kayo nakakaunawa. Kung hindi ninyo alam gawin ang isang bagay, aminin ninyong hindi ninyo alam gawin ito. Anuman ang mga problema o paghihirap na lumitaw, lahat ay dapat sama-samang magbahaginan at maghangad sa katotohanan para makahanap ng solusyon. Sa harap ng katotohanan, ang bawat tao ay katulad ng isang sanggol, bawat tao ay naghihikahos, kahabag-habag, at lubos na walang-wala. Ang kailangang gawin ng mga tao ay magpasakop sa harap ng katotohanan, magkaroon ng mapagpakumbaba at nananabik na puso, maghanap at tumanggap sa katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa sa katotohanan at makapagpasakop sa Diyos. Sa paggawa nito, makakapasok ang mga tao sa realidad ng katotohanan ng mga salita ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at sa kanilang tunay na buhay. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga itinataguyod at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naitataguyod o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hanapin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahanap nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila itinataguyod at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paggamit ng mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naliligtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi matapat sa kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, na hindi kasali, ay itinataguyod at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o sitwasyon sa pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hanapin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran. Sa anong punto mayroong kapansin-pansing pagkakaiba sa mga posisyon, halaga, at katayuan ng mga tao? Ito ay kapag dumating ang mga tao sa dulo ng kanilang landas, at natapos ang gawain ng Diyos, at sa wakas ay nabuo ang isang kongklusyon tungkol sa mga saloobin at pananaw na ipinapakita ng bawat tao sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pati na rin sa iba’t ibang pagpapamalas at saloobin nila tungkol sa Diyos—ibig sabihin, kapag may kumpletong talaan sa aklat ng Diyos—sa panahong iyon, dahil iba-iba ang kalalabasan at magiging hantungan ng mga tao, magkakaroon din ng pagkakaiba sa kanilang halaga, posisyon, at katayuan. Saka lamang mahihinuha at halos matitiyak ang lahat ng bagay na ito, samantalang sa ngayon, pare-pareho lang ang lahat. Nauunawaan ba ninyo? Inaabangan ba ninyo ang araw na iyon? Inaabangan ba ninyo ito nang may kasamang takot? Ang inaabangan ninyo ay na sa araw na iyon, magkakaroon na ng resulta sa wakas, at mararating na ninyo ang araw na iyon sa wakas sa kabila ng lahat ng paghihirap; at ang kinatatakutan ninyo ay na baka hindi ninyo natahak nang tama ang landas, at na madadapa kayo sa daan at mabibigo, at na hindi magiging kasiya-siya ang huling kalalabasan, mas masahol pa kaysa sa iniisip at inaasahan ninyo—kay lungkot, kay sakit, at sobrang nakakadismaya iyon! Huwag mag-isip nang masyadong malayo pa, hindi iyon praktikal. Tingnan mo muna kung ano ang nasa harap ng mga mata mo, tahakin nang maayos ang landas sa ilalim ng iyong mga paa, gawin nang maayos ang hawak mong gawain, at tuparin ang mga tungkulin at responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Ito ang pinakakrikital at pinakamahalaga. Unawain ang katotohanan at ang mga prinsipyo sa paggawa ng tungkulin mo na dapat ninyong maunawaan ngayon, at pagbahaginan ang mga ito hanggang sa maging malinaw na malinaw—para maayos ninyo ang mga ito sa inyong isipan, at malinaw at tiyak ninyong alam kung ano ang mga prinsipyo sa bawat ginagawa ninyo—at tiyaking hindi ninyo lalabagin ang mga prinsipyo, o hindi lilihis mula rito, o hindi magdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, o hindi gagawa ng anumang makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang lahat ng ito ang dapat ninyong pasukin ngayon mismo. Hindi natin kailangang pag-usapan pa ang tungkol sa anumang bagay sa hinaharap, at hindi rin ninyo ito kailangang itanong o pag-isipan. Walang silbi ang pag-iisip nang masyadong malayo—hindi iyon ang dapat mong pag-isipan. Maaaring itinatanong ng ilan: “Bakit hindi namin ito dapat pag-isipan? Napakalubha na ngayon ng kalagayan ng sakuna, hindi ba’t panahon na para pag-isipan natin ang mga gayong bagay?” Panahon na ba? Nakakaapekto ba sa iyong pagpasok sa katotohanan ang katunayan na malubha ang sakuna? (Hindi, hindi ito nakakaapekto.) Naging napakalubha na ng kalagayan ng sakuna, ngunit kailan ba Ako nagdaraos ng pagtitipon o nangangaral ng mga sermon partikular tungkol sa sakuna? Hindi Ako kailanman tumutuon sa usapin ng sakuna, palagi lang Akong nagsasalita tungkol sa katotohanan, para maunawaan ninyo ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at para maunawaan ninyo kung paano gawin nang maayos ang inyong tungkulin at paano makapasok sa katotohanang realidad. Sa panahon ngayon, hindi man lang nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga doktrina. Naglilitanya lang sila ng ilang magkakaparehong salita at doktrina, at walang kabuluhang usapan araw-araw, ngunit pakiramdam nila ay nakapasok na sila sa katotohanang realidad. Nag-aalala Ako para sa kanila, pero hindi sila nag-aalala para sa sarili nila. Iniisip pa rin nila iyong mga malayong bagay sa hinaharap—hindi praktikal ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon.

Ang layon ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay hindi para gawin silang aktibo, ni para planuhin na sila ay maging isang uri ng sandigan sa hinaharap, kundi para bigyan ang ilang tao na, kung ikukumpara, ay higit na naghahangad sa katotohanan at nakakatugon sa mga pamantayan ng pagtataguyod at paglilinang, ng pagkakataon na magsanay sa mga angkop na kapaligiran at sa ilalim ng mas kanais-nais na mga kondisyon. Ang pinakamahalaga ay na maunawaan nila ang mga salita ng Diyos, maunawaan ang katotohanan, at makapasok sa katotohanang realidad. Hindi ba’t ito ang dapat na matamo ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ang dapat na makamit ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Para makapasok sa katotohanang realidad, ano ang pangunahing bagay na dapat ninyong hangarin sa ngayon? Mayroon ba kayong anumang plano o hakbang sa paggawa nito? Ituturo Ko sa inyo ang isang simpleng diskarte, madali at mabilis. Sa simpleng pananalita, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay talagang pagsasagawa sa katotohanan. Para maisagawa ang katotohanan, kinakailangan munang harapin ang sariling mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakamabilis na panimulang punto sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Para sa inyo, ang pinakasimple, pinakamabilis, at pinakamadaling paraan ay ang lutasin muna ang problema ng pagiging pabaya sa paggawa ng inyong tungkulin, isa-isang nilulutas ang inyong mga tiwaling disposisyon. Gaano kaya katagal bago ninyo ito malutas? May plano ba kayo? Karamihan sa mga tao ay walang plano, patuloy lang nila itong pinag-iisipan, nang hindi nila nalalaman kung kailan nila ito pormal na sisimulan. Bagama’t alam nila na pabaya sila, sadyang hindi nila sinisimulang lutasin ito at wala silang anumang partikular na solusyon. Ang pagiging tamad sa paggawa ng tungkulin, hindi metikuloso, iresponsable, at hindi pagseseryoso sa tungkulin—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging pabaya. Ang unang hakbang ay lutasin ang problema ng pagiging pabaya. Ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kagustuhan. Para naman sa iba pang bagay tulad ng paminsan-minsang pagsasalita nang hindi matapat o pagbubunyag ng mga mapanlinlang o mapagmataas na disposisyon, huwag ninyong alalahanin ang mga bagay na iyon sa ngayon. Hindi ba’t mas praktikal at epektibo na harapin muna ang pagiging pabaya at pagkilos ayon sa sariling kagustuhan? Hindi ba’t ang dalawang isyung ito ang pinakamadaling makita? Hindi ba’t madaling lutasin ang mga ito? (Oo.) Namamalayan mo ba kung kailan ka nagiging pabaya? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na maging tamad? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na manlansi o makipagsabwatan at magserbisyo sa sarili mo sa pamamagitan ng panlalansi? (Oo.) Kung napagtatanto mo nga ito, madali itong lutasin. Magsimula sa paglutas ng mga problemang madali mong matukoy at na namamalayan mo sa loob-loob mo. Ang pagiging pabaya sa tungkulin ay isang halatang-halata at karaniwang problema, pero isa rin itong hindi mawala-walang problema na talagang mahirap lutasin. Kapag gumagawa ng tungkulin, kailangang matutunan ng isang tao na maging maingat, masusi, metikuloso, at responsable, at gawin ito nang matatag, ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagtanim ng isang paa sa unahan ng isa. Dapat ibuhos ng isang tao ang kanyang buong lakas para gawin nang maayos ang tungkuling iyon, hanggang sa masiyahan siya sa kung paano niya ginampanan ito. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat niyang hanapin ang mga prinsipyo, at kumilos ayon sa mga ito at ayon sa mga hinihingi ng Diyos; dapat handa siyang higit na magsikap na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, at hindi niya kailanman ito dapat gawin nang pabasta-basta. Sa ganitong paraan lang ng pagsasagawa makakaramdam ng kapayapaan sa kanyang puso ang isang tao, nang hindi sinusumbatan ng kanyang konsensiya. Madali bang lutasin ang pagiging pabasta-basta? Hangga’t may konsensiya at katwiran ka, malulutas mo ito. Una, dapat kang manalangin sa Diyos: “Diyos ko, sisimulan ko ang tungkulin ko. Kung pabaya ako, hinihiling ko na disiplinahin Mo ako at sawayin mo ako sa puso ko. Hinihiling ko rin na gabayan Mo ako na magawa nang maayos ang tungkulin ko at hindi maging pabaya.” Magsagawa ka sa ganitong paraan sa araw-araw at tingnan mo kung gaano katagal bago malutas ang problema ng pagiging pabaya mo, bago humupa ang pagiging pabaya mo, bago mabawasan ang karumihan sa tungkulin mo, at bago mapabuti ang mga tunay mong resulta at madagdagan ang kahusayan mo sa paggampan ng iyong tungkulin. Ang paggampan sa tungkulin mo nang hindi nagpapabaya—matatamo mo ba ito sa pamamagitan ng pagsandal sa sarili mo? Kapag nagiging pabaya ka, kaya mo bang kontrolin ito? (Hindi ito madali.) Mahirap nga, kung gayon. Kung talagang mahirap para sa inyo na kontrolin ito, malaki ang problemang hawak ninyo! Aling mga bagay, kung gayon, ang kaya ninyong gawin nang hindi nagiging pabaya? Ang ilang tao ay sobrang maselan sa kinakain nila; kung hindi nila gusto ang isang pagkain, buong araw na magiging masama ang kondisyon ng loob nila. May ilang babae na mahilig magbihis at mag-makeup; hindi nila pinapalampas ang kahit isang hibla ng buhok. May ilang tao naman na magaling magnegosyo; maingat nilang kinakalkula ang bawat sentimo. Kung kumikilos kayo nang may ganitong klase ng maingat na saloobin, maiiwasan ninyong maging pabaya. Una, lutasin ang problema ng pagiging pabaya, pagkatapos, lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kagustuhan. Ang pagkilos ayon sa sariling kagustuhan ay isang karaniwang problema, at isa pa itong bagay na madaling makita ng mga tao sa sarili nila. Nang may kaunting pagninilay-nilay sa sarili, makikilala ng isang tao na kumikilos siya ayon sa sarili niyang kagustuhan, na hindi alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Madaling lutasin ang mga problemang nakikilala ng mga tao. Ihanda mo muna ang sarili mo para lutasin ang dalawang isyung ito, una, ang problema ng pagiging pabaya, at ang isa pa ay ang pagkilos ayon sa sarili mong kagustuhan. Magsikap, sa loob ng isa o dalawang taon na magtamo ng mga resulta, na hindi maging pabaya, o kumilos ayon sa sarili mong kagustuhan, o nang may mga karumihan sa iyong kalooban sa anumang ginagawa mo. Kapag nalutas na ang dalawang problemang ito, hindi na kayo malayo sa paggampan ng tungkulin ninyo nang pasok sa pamantayan. At kung hindi man lang ninyo malutas ang mga ito, malayo pa rin kayo sa pagpapasakop sa Diyos o sa pagsasaalang-alang sa mga layunin Niya—hindi pa talaga ninyo lubusang nauunawaan ang bagay na ito.

Napagbahaginan pa lang natin ngayon ang tungkol sa mga pamantayan at layon ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, pati na rin ang tungkol sa pag-unawa at pananaw na dapat taglayin ng isang tao kaugnay ng pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ang isa pang aspekto ay ang saloobin at pamamaraan na dapat taglayin ng isang tao tungkol sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento na itinataguyod at nililinang. Ang mga ito ang ilang isyu na dapat pagbahaginan sa ikaanim na aytem. Kaya, sa susunod, partikular na tungkol sa ikaanim na aytem, ilantad at himayin natin kung paano isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawain ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang pangunahing nilalaman na pagbabahaginan natin.

Ang mga Saloobin at Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong may Talento

Ang mga huwad na lider ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi naghahanap sa katotohanan. Samakatwid, pagdating sa mahalagang gawain ng pagtataguyod at paglilinang ng lahat ng uri ng kalipikadong talento sa sambahayan ng Diyos, sinisira rin nila ito, ganap sila ng pumapalpak dito, at sadyang nabibigong tugunan ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Dahil hindi nila nauunawaan ang mga pamantayan, lalo na ang mga layunin ng Diyos, kaugnay sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, at hindi rin nila nauunawaan ang kahalagahan ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, napakahirap para sa kanila na gawin ang gawaing ito nang pasok sa pamantayan at may prinsipyo. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may “talento” na nililinang ng mga huwad na lider habang ginagawa ang kanilang gawain ay mga halo-halong kalidad. Sa halip na magtaguyod at maglinang ng mga kalipikadong talento, itinataguyod ng mga huwad na lider ang mga taong hindi kailanman dapat itaguyod at linangin para magserbisyo bilang mga lider o manggagawa, at pinahihintulutan nila ang mga taong ito na maging palamunin ng iglesia at lustayin ang mga handog ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay pawang gumagawa ng mga ganitong bagay, na nagsasanhing maapak-apakan at hindi maitaguyod at magamit ang ilang tao na naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan. Sa halip, iyong mga walang kuwentang tao ay nagiging mga diumano’y mga taong may talento sa mga mata ng mga huwad na lider na ito, at itinataguyod at nililinang ng mga ito ang mga taong iyon. Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider kapag ginagawa ang gawaing ito? Ipagpalagay natin, halimbawa, na dahil sa mga kinakailangan ng gawain nito, kailangang makahanap ang sambahayan ng Diyos ng ilang tao na mangangasiwa ng mga usaping panlabas. Kaya, aling mga tao ang dapat nitong hanapin? Inilista Ko ang ilang pamantayan: katulad ng pagkakaroon ng kakayahan sa gawain, pagkakaroon ng kakayahang gawin ang sariling tungkulin ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkakaroon ng kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Alam ba ng isang huwad na lider ang mga prinsipyong ito? Maliwanag na hindi, kaya, paano sila naghahanap ng mga tao na mangangasiwa sa mga usaping panlabas? Iniisip nila: “Sino ang puwedeng mangasiwa ng mga usaping panlabas? May isang sister na matalas ang utak at mabilis mag-isip, magaling magsalita, at marunong humawak ng mga tao. Mabilis niyang iniikot ang kanyang mga mata sa paligid nang may pagkakalkula kapag nagsasalita siya, at hindi siya mawari ng isang karaniwang tao. Medyo hindi siya angkop bilang lider ng iglesia, pero siya ay magiging napakahusay sa pangangasiwa ng mga usaping panlabas, kaya pipiliin ko siya. Kaya lang, medyo mababa ang pinag-aralan niya, nag-aalala ako na mamaliitin siya ng mga walang pananampalataya, kaya, maghahahanap na lang ako ng isang nakatapos ng kolehiyo—isang naging presidente sa kanilang samahan ng mga mag-aaral—para makatuwang niya. Medyo mautak ang taong ito pero kulang naman sa karanasan sa lipunan at, kung ikukumpara, kakaunti pa lang ang nakita sa mundo, kaya maaari siyang matuto mula sa kapareha niya. Sa dalawang taong ito, ang isa ay may mababang pinag-aralan at ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan, ang isa ay may karanasan sa lipunan, at ang isa naman ay wala—bagay silang magkapareha, hindi ba?” Ang isa ay mahusay magsalita at malinaw bumigkas, matalas ang isip, at napakatanyag na tao sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi nila matukoy na isa siyang mananampalataya. Ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan at may katayuan sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi siya minamaliit ng mga ito. Ano ang tingin ninyo sa mga prinsipyong ginamit ng huwad na lider na ito sa pagpili ng dalawang taong ito? Naniniwala ang huwad na lider na hangga’t magaling magsalita, matalas ang isip, at mabilis kumilos ang isang tao, makakaya niyang mangasiwa ng mga usaping panlabas para sa sambahayan ng Diyos. Angkop ba ang ganitong paraan ng pagpili ng mga tao? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Kadalasan, ang gayong mga tao ay tuso; bagama’t marunong silang makisali sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa iba, at marunong humawak ng mga tao, hindi nangangahulugan na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Tama. Ang pinakamahalagang bagay ay na, anuman ang mga usaping pinangangasiwaan ng isang tao para sa sambahayan ng Diyos, kahit papaano, kailangang maging matuwid siya at kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ba ng matamis na dila at pagsasalita na parang kayang buhaying muli ang patay ay nangangahulugan na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang pagiging mabilis mag-isip, mahusay magsalita, at malinaw bumigkas ay nangangahulugan ba na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kahit pa manumpa siya, wala itong silbi, at gayundin kawalang saysay kung maglalatag ka ng mga hinihingi sa kanila—tiyak na mayroon silang ganoong karakter. Pero hindi sinisiyasat ng huwad na lider ang mga ganitong bagay, tinitingnan lang niya kung sino ang may karanasan sa lipunan, kung sino ang tuso, mabilis mag-isip, mahusay magsalita at malinaw bumigkas, kung sino ang marunong kumilos nang angkop sa sitwasyon, at kung sino ang hunyango, at tanyag na tao sa lipunan. Sa tingin nila, ang gayong mga tao ay kayang mangasiwa ng mga pangkalahatang gawain sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mali ito? Mali ito kung pag-uusapan ang mga prinsipyo at pamantayan ng pagpili ng mga tao. Ang totoo ay ang ganitong uri ng tao ay masyadong matamis ang dila: Kahit sino pa ang kaharap niya, pawang kasinungalingan ang sinasabi niya, at hindi niya kayang magbago kahit gaano pa karami ang panunumpa niya. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mga sariling interes lang ang ipinagtatanggol niya, at lalo na kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan niya ang kanyang sarili unang-una sa lahat, at hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Basta’t maganda ang relasyon niya sa mga walang pananampalataya, sapat na iyon para sa kanya; kung tungkol naman sa kung napipinsala ba o hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala siyang pakialam. Hindi rin niya isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga kapatid, at wala rin siyang pakialam kung nailagay man sa kahihiyan ang pangalan ng Diyos; sariling kapakanan lang niya ang iniintindi niya. Hindi makilatis ng huwad na lider ang ganitong klase ng tao at iniisip niya na ang gayong mga tao ang pinaka-angkop na mangasiwa sa mga usaping panlabas para sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kahangalan ito? Ipinagkakanulo ng taong iyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero ni hindi iyon alam ng huwad na lider at itinatalaga pa rin nito ang taong iyon sa mahahalagang gampanin, at sumasandal dito sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ito ang pinakamatinding kahangalan? Mayroon bang matutuwid na layunin ang mga taong mahusay magsalita, malinaw bumigkas, at mabilis mag-isip? Kung hindi mo pa sila nakakaharap o maingat na napagmasdan, hindi mo malalaman. Kapag pakikitunguhan mo sila at pinangangasiwaan mo ang mga gawain kasama sila, obserbahan mo kung ang sinasabi nila ay tugma sa kanilang ginagawa. Maaari itong subukin sa pamamagitan ng isang kaganapan. Halimbawa, kung naglilipat ka ng mga gamit. Kapag nakita nila ito, hindi ka nila tutulungan. Kapag natapos mo na ang trabaho, saka lang sila lalapit at magsasabing, “Paano mo nagawang mag-isa ang gayong nakakapagod na trabaho? Tinulungan sana kita kung sinabi mo lang, kahit gaano pa ako kaabala. Mukhang pagod na pagod ka. Ako na ang magluluto para sa iyo mamaya, hindi mo ito kailangang gawin ngayon.” Pagkatapos nilang sabihin iyon, naglalaho sila. Pagod na pagod ka, pero kailangan mo pa ring magluto. Pagkatapos mong magluto, darating sila para kumain at sasabihin pa nga nila na, “Bakit hindi mo ako tinawagan nang magsimula kang magluto? Pagod na pagod ka na nga, at nagluluto ka pa rin para sa akin—tama ba naman iyon? Dahil nagawa mo na, kakainin ko na lang. Ako na ang magluluto ng susunod na kainan, at sabihan mo lang ako sa tuwing mayroon kang anumang gawaing kailangang gawin sa susunod.” Ang isang pangyayari lang na ito ang kinakailangan para makilatis sila. Masyadong matamis ang kanilang dila, mabilis mag-isip, at alam nila kung ano ang sasabihin. Marunong silang kumilos nang angkop sa sitwasyon, at ang tanging ginagawa nila ay magsalita ng magagandang-pakinggan na salita, nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain. Maaasahan ba ang gayong mga tao? Kung hihilingin mo sa kanila na pangasiwaan ang pangkalahatang gawain ng sambahayan ng Diyos, makakaya ba nilang ipagtanggol ang mga interes nito? Makakaya ba nilang panindiganang reputasyon ng iglesia at protektahan ang kaligtasan ng mga kapatid? (Hindi.) Numero-unong prayoridad ba nila ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos at ang lahat ng interes nito? Malayong mangyari iyon. Ang mga mata at isipan ng mga huwad na lider ay bulag sa mga gayong madaling tukuyin na problema, at sadyang hindi nila ito nakikita. Sa halip, puro salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin. Sino ang minamahal ng Diyos at sino ang hindi minamahal ng Diyos, sino ang nagmamahal sa katotohanan at sino ang hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang ibig sabihin ng pagtataglay ng pundasyon sa pananalig sa Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang walang pundasyon, anong uri ng mga tao ang tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin at anong uri ng mga tao ang hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin—nagsasalita sila tungkol sa mga bagay na ito sa makatwiran at lohikal na paraan, at mukhang nauunawaan talaga nila ang mga ito, ngunit puro walang kabuluhan na usapan at doktrina lang ito. Sa tuwing ipinapakilatis sa kanila ang mga tao, bulag ang kanilang mga mata at isipan; talagang hindi sila marunong bumasa ng mga tao. Kahit gaano pa sila katagal nakikisalamuha sa ganitong uri ng mga tao, hindi pa rin nila nakikilatis ang mga ito, at itinatalaga pa nga nila ang mga ito sa mga mahahalagang gampanin.

Talagang isa nang karumal-dumal na bagay ang gamitin ng mga huwad na lider ang mga maling tao, ngunit dinadagdan pa nila ang maling gawang ito sa pamamagitan ng paggawa ng lalo pang mas karumal-dumal na mga bagay. Sabihin natin, halimbawa, gumamit ng maling tao ang isang huwad na lider. Hindi talaga angkop ang taong ito bilang superbisor at hindi nakakapasa sa mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos para maitaguyod at malinang. Gayumpaman, iginiit pa rin ng huwad na lider na gamitin ang taong ito at hindi kailanman iniinspeksiyon ang trabaho nito, naniniwalang, “Huwag pagdudahan ang mga taong ginagamit mo, at huwag gamitin ang mga taong pinagdududahan mo. Dahil pinili at itinaguyod kita, magagawa mo nang maayos ang gawaing ito, kaya sige lang at gawin mo ito sa anumang paraang nakikita mong naangkop. Susuportahan kita anuman ang gawin mo, at walang dahilan ang sinuman para tumutol dito!” Ginamit nila ang maling tao, pero hinayaan pa nilang magpatuloy ang pagkakamali nila hanggang sa huli—ganoon kalaki ang tiwala nila sa kanilang sarili. Pawang bulag ang mga huwad na lider. Hindi nila nakikita ang anumang problema, hindi nila matukoy kung sinong mga tao ang masasamang tao o hindi mananampalataya, at kahit sino pa ang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, wala silang anumang kamalayan dito, at nagtatalaga pa nga sila ng mahahalagang gampanin sa mga tao na magulo ang isip. Nagbibigay ng labis na tiwala ang mga huwad na lider sa kung sinumang itinataguyod nila, at basta-bastang ipinagkakatiwala ang mahalagang gawain sa taong iyon. Dahil dito, nagugulo ng taong iyon ang gawain ng iglesia, malubhang naaapektuhan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagkukunwari pa nga ang mga huwad na lider na wala silang anumang nalalaman tungkol dito. Tatanungin sila ng Itaas: “Kumusta ang taong itinaguyod mo sa kanilang gawain? Angkop ba siya sa paggampan ng gawaing ito? Ipinagtatanggol ba niya ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa mga kritikal na sandali, poprotektahan ba niya ang kanyang sarili, o ipagtatanggol niya ang gawain ng iglesia?” Sasagot naman ang mga huwad na lider: “Nanumpa siya na ipagtatanggol ang gawain ng iglesia. Bukod pa rito, 20 taon na siyang nananampalataya sa Diyos. Paanong poprotektahan niya ang sarili niya at ipagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Malamang na ipagtatanggol niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Sasagot naman ang Itaas: “Tumpak ba iyang sinasabi mo? Nainspeksiyon mo ba ang gawain niya?” Sasagot ang mga huwad na lider: “Hindi ko nainspeksiyon ang gawain niya, pero sinabi ko sa kanya na huwag niyang ipagtanggol ang sarili niyang mga interes, at na kailangan niyang ipagtanggol ang gawain ng iglesia, at nangako naman siya sa akin na gagawin iyon.” Ano ba ang silbi ng pangangako ng taong iyon sa kanila? Ni hindi nga matupad ng taong iyon ang isinumpa nito sa harap ng Diyos. Iniisip ba nila na dahil lang sa nangako sa kanila ang taong iyon, nakakatiyak na sila? Tiyak bang magagawa ng taong iyon ang ipinangako nito? Dahil hindi nainspeksiyon ng mga huwad na lider ang gawain ng taong iyon, paano nila malalaman na ang taong iyon ay isang taong nagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Bakit ganoon na lang kalaki ang tiwala nila sa sarili nila? Hindi ba’t mga tampalasan ang gayong mga huwad na lider? Sa paggamit ng maling tao, nakagawa na sila ng malaking pagkakamali, at pagkatapos ay pinapalala pa nila ang kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng hindi kailanman pag-uusisa, pagsusuri, o pag-iinspeksiyon sa gawain ng taong ito, at sa hindi pangangasiwa o pagmamasid dito. Ang ginagawa lang nila ay patuloy na kunsintihin ang taong ito na kumikilos nang walang pakundangan at gumagawa ng mga maling gawa. Ganito gumawa ang mga huwad na lider. Sa tuwing kulang ng mga tao sa isang aytem ng gawain, basta-bastang nagsasaayos ang mga huwad na lider na magkaroon ng isang taong magiging responsable para dito at iyon na iyon; hindi nila kailanman iniinspeksiyon ang gawain, o aktuwal na pinupuntahan ang mismong lugar para makisalamuha sa taong iyon, obserbahan ito, at higit pang kilalanin. Sa ilang lugar, hindi paborable ang kapaligiran para makipagkita o gumugol ng oras kasama ang taong iyon, pero dapat magtanong ang mga lider tungkol sa gawain ng taong iyon, at hindi direktang mag-usisa tungkol sa kung ano ang pinaggagagawa nito at kung paano nito ito ginagawa—maaari nilang tanungin ang mga kapatid, o ang isang taong malapit dito. Hindi ba’t puwede itong makamit? Pero hindi man lang nag-aabalang magtanong ng anuman ang mga huwad na lider, ganoon sila kakumpiyansa. Sa gawain nila, nagdaraos lang sila ng mga pagtitipon at nangangaral ng mga doktrina, at kapag tapos na ang mga pagtitipon at nasaayos na ang gawain, wala na silang ibang ginagawa; hindi na nila sinusubaybayan o inaalam kung ang taong napili nila ay talagang kayang gumawa ng tunay na gawain. Sa simula, hindi nila nauunawaan ang taong iyon, pero batay sa kakayahan nito at sa mga ipinapakitang pagpapamalas at kasigasigan, pakiramdam nila ay angkop ang taong napili nila para sa gawaing ito, at kaya ginamit nila ang taong ito. Walang masama rito, dahil wala namang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa mga tao. Pero matapos silang itaguyod, hindi ba’t dapat subaybayan at tingnan ng mga lider na iyon kung gumagawa ba ang taong iyon ng tunay na gawain, kung paano ito gumagawa, at kung naging pabaya ba ito, tuso, o tamad? Ito mismo ang gawaing dapat ginagawa nila, pero hindi nila ginagawa ang alinman dito—hindi sila umaako ng anumang responsabilidad. Sila ay mga huwad na lider, at dapat silang tanggalin at itiwalag.

Ang mga huwad na lider ay gumagawa ng isang malubhang pagkakamali, na kung saan pagkatapos nilang itaguyod ang mga tao, ipinaliliwanag nila ang gawain sa mga ito, pagkatapos ay naglilitanya sila ng kaunting doktrina, nagbibigay ng ilang salita ng pampatibay-loob, at hanggang doon lang iyon, nang hindi man lang nangungumusta o nakikisali sa mga partikular na gampanin. Kung sinasabi nila na mahina ang kanilang kakayahan at wala silang kabatiran sa mga tao, puwede naman nilang subaybayan at alamin kung kumusta na ang mga partikular na gampanin, at mauunawaan nila ang sitwasyon. Subalit, hindi man lang sinusubaybayan at inaalam ng mga huwad na lider kung kumusta na ang gawain. Halimbawa na lang ang pag-iimprenta ng mga libro, na isang partikular na gawain. Itinalaga ng huwad na lider ang isang tao para mangasiwa sa gawaing ito, pero hindi niya kinumusta ang taong ito kahit isang beses sa loob ng kalahating taon. Dahil dito, pagkatapos ng anim na buwan, lumabas na may depekto ang lahat ng naimprentang libro—napakalaking gulo! Ganito ang mga huwad na lider—talagang hindi sila gumagawa ng anumang partikular na gawain. Ano ang dapat mong gawin kung inaasikaso mo ang pag-iimprenta ng isang libro? Kailangan mo munang magtalaga ng isang angkop na superbisor, at pagkatapos ay pangasiwaan at suriin kung gaano kahusay niya ginagawa ang trabaho, at kung posible bang magkamali ito. Dapat mong pangasiwaan at subaybayan ang gawain, at direktang lutasin ang anumang problema kung mayroon ka mang matutuklasan—ito lang ang paraan para matiyak na walang lilitaw na mga isyu. Pero hindi ito ginagawa ng mga huwad na lider. Iniisip nila na angresponsabilidad nila ay maglitanya lang ng mga doktrina sa mga tao, at ipaunawa sa mga ito ang mga doktrina, at na hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga doktrina, maaaring malutas ang mga problema. Samakatwid, binibigyang-pansin lang nila ang paglilitanya ng mga doktrina at pagbibigkas ng mga islogan, at hindi sila nakikisali sa mga partikular na gampanin. Para sa mga huwad na lider, iniisip nila na hindi nila responsabilidad na makisali sa mga partikular na gampanin, at na dapat para sa mga taong nasa ilalim nila ang alalahanin na ito. Kaya, ano ang ginagawa nila mismo? Minamanduhan nila ang buong sitwasyon mula sa itaas at nagiging hindi epektibong opisyal. Ano man ang gawain, wala silang presensiya o pakikilahok dito. Pagkatapos sabihin sa mga tao ang mga prinsipyo, kung itinatanong sa kanila ang tungkol sa mga detalyadong isyu o mga partikular na landas, sasabihin lang nila na, “Kayo na ang bahala sa partikular na gawain, hindi ko naiintindihan ang bagay na ito.” Samakatwid, hindi nila alam kung paano ginagawa ng mga taong nasa ilalim nila ang gawain. Tungkol naman sa kung may kakayahan at angkop ba sa gawain ang superbisor, o kung ano ang pagkatao niya, o kung siya ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung responsable ba siya sa paggawa ng tungkulin niya, o kung pabaya ba siya o nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay, o kung mayroon bang mga pagkaantala sa gawain, at iba pa—walang anumang nalalaman ang mga huwad na lider tungkol dito, naglilibot-libot lang sila na parang mga walang pananampalatayang opisyal na mga papeles lang ang inaatupag, nang hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain.Sa mga iglesia kung saan sila gumagawa, hindi alam ng mga huwad na lider kung kailan inihinto ng ilang superbisor ang gawain, o kung kailan nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian ang ilang superbisor, o kung kailan hindi inaasikaso ng ilang superbisor ang mga tungkuling nararapat sa kanila, at sa halip ay ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, at nagbubulag-bulagan pa nga sila kapag nakikitang napakahina ng kakayahan ng ilang superbisor, baluktot ang pagkaarok, at hindi talaga kayang gawin ang gawain. Ang gayong mga huwad na lider ay parang mga hungkag na lalagyan; mga lider lang sila sa pangalan, at hindi sila gumagawa ng anumang pangunahing gawain ng isang lider. Sa panlabas, tila maganda ang asal ng mga huwad na lider ito. Nagtatalaga sila ng mga superbisor para sa bawat aytem ng gawain, nakikipagpulong sa mga taong ito sa paminsan-minsang pagtitipon, at ginugugol nila ang kanilang natitirang oras sa isang lugar, nang sumasali sa mga espirituwal na debosyon, nagdarasal, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, nag-aaral ng mga himno, at nagsusulat ng sarili nilang mga sermon. May ilang huwad na lider ang ni hindi lumalabas ng kanilang silid sa buong linggo. Mayroon ding mga huwad na lider na walang ginagawa kundi magdaos ng mga pagtitipon online, nang hindi kailanman pumupunta sa mga lugar ng gawain para unawain ang sitwasyon. Hindi sila personal na nakikita ng mga kapatid sa loob ng mahabang panahon, at walang ideya ang mga ito kung ano ang mga karanasan sa buhay o tayog ng mga huwad na lider. Sa mga pagtitipon, pinangangasiwaan lang ng mga huwad na lider ang ilang pangkalahatang gawain, pero tungkol sa kung ano ang partikular na ginagawa ng bawat superbisor, at kung angkop ba sa ibinigay na gawain ang mga taong itinaas nila ng ranggo at nilinang nila, o kung ano ang saloobin ng mga taong ito sa paggawa ng kanilang tungkulin, o kung maasikaso at mabusisi ba ang mga ito sa kanilang gawain, o kung negatibo at pabaya ba sila, o kung sumusunod ba sa tamang landas ang mga taong ito, o kung mga tamang tao ba sila, walang pakialam ang mga huwad na lider o hindi sila nagtatanong tungkol sa alinman sa mga usaping ito, at ayaw rin nilang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ba’t malubha ang kalikasan ng problemang ito? (Oo.)

Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng ilang taong may talento na nakakaunawa sa ilang propesyonal na larangan at nagtataglay ng ilang kasanayan, at lilinangin nito ang mga ganitong tao na mag-aral ng mga propesyong iyon para makagawa sila ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Anong uri ng mga tao sa tingin ninyo ang mahahanap ng mga huwad na lider? Tinitipon nila ang lahat ng kabataan na nakapag-aral sa unibersidad at sumunod sa kanilang mga magulang sa pananampalataya sa Diyos, at tinitingnan kung sino ang magaling magsalita at sino ang mahilig maging sentro ng atensiyon, at sinasabi nila sa mga kabataang ito, “Gusto kayong linangin ng sambahayan ng Diyos; kayo ang reserbang hukbo at mga bagong puwersa.” Pagkatapos, itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng tungkulin. Sa katunayan, hindi pa kailanman gumampan ng tungkulin ang mga taong ito, wala silang iba’t ibang uri ng karanasan, at wala silang anumang pagkaunawa sa katotohanan. Pero pinapaboran sila at gusto sila ng mga huwad na lider, kaya sinisimulan silang linangin ng mga ito. Itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng mga tungkulin batay sa naaangkop sa kanilang kadalubhasaan; ang ilan ay itinalagang gumawa ng gawaing nakabatay sa teksto, ang ilan ay itinalaga sa paggawa ng pelikula, ang ilan ay itinalagang gumawa ng mga video, at ang ilan naman ay para maging mga aktor. Para sa mga huwad na lider, basta’t may tungkuling gagawin ang mga taong ito, sapat na iyon. Hindi sinisiyasat ng mga huwad na lider kung mahal ba ng mga taong ito ang katotohanan o kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan, hindi rin nila tinitingnan kung ano ang hinahangad ng mga taong ito o kung ano ang mga layon ng mga ito. Sa huli, ano ang nangyayari? Natitiwalag ang ilan sa mga taong iyon. Ito ay dahil pasaway sila at walang disiplina, hinahangad nila ang mga makamundong kalakaran, at ginugugol ang kanilang mga araw sa pagbibihis at pakikipagrelasyon sa iba, at wala silang nauunawaang kahit anong patakaran o walang kagandahang asal man lang—halatang sila ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Hindi nila inaasikaso ang nararapat nilang gawain habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ginagawa nila ang lahat ng bagay nang pabasta-basta, pero hindi man lang ito nakikita ng mga huwad na lider. Hindi ba’t bulag ang mata ng mga huwad na lider? (Oo.) Ano ang sanhi ng pagkabulag ng matang ito? Hindi ba’t ito ay dahil sa pagiging bulag ng isipan ng mga huwad na lider? Ang pagikabulag sa mata at pagkabulag sa isipan ay dalawang katangian ng mga huwad na lider. Kahit nakadilat ang mga mata nila, hindi nakakaunawa ng anumang bagay o nakakakilatis sa sinuman ang mga huwad na lider—ibig sabihin, bulag ang mga mata nila. Sa isipan nila, wala silang pagkilatis o mga pananaw tungkol sa kahit na sino o anumang bagay, at kahit ano pa ang nakikita nila, wala silang abilidad na makilala kung ano ang tama o mali, at wala silang mga saloobin, opinyon, o depinisyon—isa itong malubhang kaso ng pagiging bulag sa isipan. Ang mga huwad na lider ay pawang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at madalas na nakikinig sa mga sermon, kaya bakit hindi nila matukoy ang mga hindi mananampalatayang iyon? Ito ay dagdag na patunay pa na napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider, na wala silang kakayahang umarok sa katotohanan, at na kahit gaano karaming katotohanan ang marinig nila, walang itong silbi, at hindi nila nauunawaan ang mga ito. Sila ay bulag sa mata at isipan, at ganap silang walang kakayahang kumilatis ng mga tao. Paano sila magiging angkop na mga lider o manggagawa sa iglesia? Naniniwala sila na ang magagaling magsalita ay mga taong may talento, at na ang mga taong marunong kumanta at sumayaw ay mga indibidwal na may talento rin; kapag nakakakita sila ng mga taong may suot na salamin o mga taong nakapag-aral sa unibersidad, iniisip nila na mga may talentong indibidwal ang mga ito, at kapag nakakakita sila ng mga taong may katayuan sa lipunan, mga mayamang tao, mga taong marunong magnegosyo at mandaraya, at mga taong gumagawa ng ilang uri ng mahalagang trabaho sa lipunan, iniisip ng mga huwad na lider na ang mga ito ay mga may talentong indibidwal. Naniniwala sila na dapat linangin ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Hindi nila tinitingnan ang karakter ng mga taong ito o kung may pundasyon ba ang pananampalataya ng mga ito sa Diyos, at lalong hindi nila tinitingnan ang saloobin ng mga taong ito sa pagtrato sa Diyos at sa katotohanan. Tinitingnan lang nila ang katayuan sa lipunan at pinanggalingan ng mga tao. Hindi ba’t katawa-tawa na ganito ang pananaw ng mga huwad na lider sa mga tao at bagay? Ang pananaw ng mga huwad na lider sa mga tao at bagay ay kagaya ng sa mga walang pananampalataya—ganoon ang pananaw ng mga walang pananampalataya tungkol sa mga bagay-bagay. Sapat nitong pinatutunayan na ang mga huwad na lider ay hindi mga taong nagmamahal at nakakaunawa sa katotohanan, at na wala silang anumang pagkilatis. Hindi ba’t napakababaw nila? Tunay silang bulag—napakalubha!

Noon, may nakilala Akong isang huwad na lider na dumadaldal at tumatawa kapag kinakausap Ko siya, pero sa sandaling tinanong Ko siya tungkol sa gawain, natulala siya na parang manhid at hindi makaunawa, at hindi siya makatugon sa anumang sinabi Ko sa kanya. Sadyang napakahina ng kakayahan ng taong ito para gamitin. Hindi nakapagtataka na wala siyang anumang naunawaan sa sinabi Ko at hindi rin niya ito maisagawa. Ano man ang tinatalakay Ko sa kanya, palagi niyang sinasabi, “Nagdaos ako ng pagtitipon at tiningnan ko ang gawain kung may mali ilang araw na ang nakalipas.” Sabi Ko, “Wala ka bang ibang trabaho bukod sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Napakaraming kailangang gawin sa iglesia, bakit hindi ka maghanap ng ibang magagawa?” Ang sagot niya: “Hindi ba’t ang pagiging lider o manggagawa ay tungkol lang sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Wala namang ibang gagawin kundi magdaos ng mga pagtitipon, wala na akong iba pang alam gawin!” Ipinapakita nito na nakatadhana siyang maging isang huwad na lider noong tinanggap niya ang posisyong iyon, at na hindi niya kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, dahil napakahina ng kakayahan niya! Ang napakahinang kakayahan ay humahantong sa pagkabulag ng mata at isipan. Ano ang ibig sabihin ng pagkabulag ng mata? Ibig sabihin nito, anuman ang nakikita ng isang tao, hindi niya makita ang mga partikular na problema, at kaya, walang silbi ang mga mata niya. Ano naman ang ibig sabihin ng pagkabulag ng isipan? Ibig sabihin nito, kahit anong mangyari, hindi namamalayan o nauunawaan ng isang tao ang problema, at hindi niya makita kung saan nakasalalay ang diwa ng problema—ito ang ibig sabihin ng pagkabulag sa isipan. Kung bulag sa isipan ang isang tao, ganap na katapusan na niya. Ganito ang pagkabulag ng mga huwad na lider sa mata at isipan. Masasabi ba ninyo na sumasama ang loob ng mga huwad na lider kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Iniisip nila, “Medyo malaki naman ang mga mata ko, pero sinasabi Niyang bulag ang mata ko; at may mabubuti akong layunin sa isip, pero sinasabi Niyang bulag ang isipan ko—hindi yata tumpak ang depinisyon Niya, tama? Bakit hindi na lang ako tawaging huwad na lider? Bakit pa kailangang idagdag na bulag din ako sa mata at isipan?” Kung hindi ganoon ang pagkakasabi Ko, batay sa kakayahan ng mga huwad na lider, mapagtatanto kaya nila na mahina ang kanilang kakayahan? (Hindi.) Hindi ba’t ganap na naipapaliwanag ang bagay na ito sa pamamagitan ng pagsasabing bulag sa mata at isipan ang mga huwad na lider na ito? Halimbawa, sabihin nating nagtatatag ng kanyang nagsasariling kaharian sa iglesia ang isang anticristo. Pero sinasabi ng isang huwad na lider, “Napakahusay ng taong ito. Dati siyang propesor sa unibersidad, at malinaw ang pananalita niya, masistema, at sa organisado at matatas na paraan. Dagadag pa rito, hindi siya kinakabahan sa entablado, gaano man karami ang nanonood.” Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang taong tinutukoy ng huwad na lider ay isang Pariseo na nagtatatag ng nagsasarili nitong kaharian, subalit pinupuri pa rin ito ng huwad na lider. Hindi ba’t pagiging bulag iyon ng mata? (Oo.) Kung may kumakanta na sintunado at hindi mo ito naririnig, maituturing ba iyong pagiging bulag ng mata? (Hindi.) Isa itong isyung propesyonal, sa halip na isyu ng kakayahan. Pero pagkatapos nilang makinig sa napakaraming katotohanan, hindi man lang makilatis ng mga huwad na lider kung ano ang mga anticristo, at hindi nila matukoy kung mabuti o masama ang pagkatao ng isang tao, o kung isa bang kandidato sa pagtataguyod at paglilinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, o kung ang isang tao ay isang hindi mananampalataya o kung taos-puso bang nananampalataya sa Diyos ang taong iyon, at hindi nila matukoy kung ang isang tao ay tapat sa paggawa ng kanyang tungkulin—ano, kung gayon, ang nakamit nila sa pakikinig ng mga sermon sa loob ng maraming taon? Wala silang anumang nakamit na katotohanan, na nangangahulugang mga bulag na hangal sila; ganito kabulag ang mga huwad na lider. Naniniwala sila na ang pangunahing trabaho ng isang lider ay ang makapangaral ng mga sermon, at makapangaral nang dalawa o tatlong oras, at na basta’t kaya nilang magsalita ng mga salita at doktrina, bumigkas ng mga islogan, at pukawin ang damdamin ng mga tao, sila ay isang lider na pasok sa pamantayan, na kaya nilang pasanin ang gawain, na mayroon silang katotohanang realidad, at na nalulugod ang Diyos sa kanila. Anong klaseng lohika ito? Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan at napakahina ng kakayahan nila, at bulag sila sa mata at isipan, lubusang wala silang kakayahang kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at hindi nila malinaw na nauunawaan ang iba’t ibang uri ng tao. Kung gayon, magagawa ba nilang gamitin ang iba’t ibang uri ng tao sa isang makatwirang paraan? (Hindi.) Isa lang ang estratehiya nila: Ang mga dating guro ay itinatalagang mangaral ng mga sermon, ang mga kabilang sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa ay itinalagang mangasiwa ng mga pangkalahatang gawain, ang mga marunong mag-Ingles ay itinalagang maging mga tagasalin, at ang sinumang mahusay magsalita at makapal ang mukha ay itinalagang mangaral ng ebanghelyo; ang mga mahiyain ay itinalagang magsulat sa bahay ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, ang mga malakas ang loob at mahilig gumanap ay hinirang bilang mga aktor, at ang mga gustong maging opisyal ay hinirang bilang mga lider o direktor. Ganito ginagamit ng mga huwad na lider ang mga tao, nang walang anumang prinsipyo.

Sa saklaw ng gawaing nasa responsabilidad ng mga huwad na lider, madalas na napipigilan ang ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan at pasok sa pamantayan para maitaas ang ranggo at malinang. Ang ilan sa mga taong ito ay nangangaral ng ebanghelyo, at ang ilan naman ay naitalagang gumawa ng mga tungkuling pagpapatuloy sa bahay. Ang katunayan ay may kakayahan silang lahat, at nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at karapat-dapat silang malinang bilang mga lider at manggagawa, sadyang ayaw nilang magpakitang-gilas o maging sentro ng atensiyon. Subalit, hindi man lang pinapansin ng mga huwad na lider ang mga taong ito. Hindi sila nakikisalamuha o nag-uusisa tungkol sa mga ito, at hindi sila kailanman naglilinang ng mga taong may talento para sa sambahayan ng Diyos. Nakatuon lang sila palagi sa panghihikayat ng mga taong nambobola sa kanila, para matugunan ang sarili nilang mga makasariling pagnanais. Bilang resulta, ang mga taong totoong naghahangad sa katotohanan ay hindi naitataas ang ranggo at nalilinang, samantalang ang mga mahilig na maging sentro ng atensiyon, magaling magsalita, marunong sumipsip, at mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—tumataas ang ranggo nilang lahat, at maging iyong mga naging opisyal, CEO ng kompanya, o nakapag-aral ng corporate management sa lipunan sa labas ay naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Mga totoong mananampalataya man o hindi ang mga taong iyon, o mga tao man silang naghahangad sa katotohanan o hindi, ano’t anuman, sila ang mga taong naitataas ang ranggo at nagagamit sa saklaw ng gawaing responsabilidad ng mga huwad na lider. Paggamit ba ito sa mga tao nang alinsunod sa mga prinsipyo? Hindi ba’t ang pagtataas lang ng mga huwad na lider sa ranggo ng mga gayong tao ay katulad ng walang pananampalatayang lipunan? Sa panahong gumagawa ang mga huwad na lider, ang mga tao na talagang nakakagawa ng mga bagay-bagay kapag gumagawa ng tungkulin nila, na may pagpapahalaga sa katarungan, at nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay—hindi naitataas ang ranggo nila at hindi sila nalilinang, at mahirap para sa kanila na magkaroon ng mga pagkakataon para makapagsanay. Sa halip, iyong mga magaling magsalita, mahilig magpakitang-gilas, at marunong sumipsip, pati na rin ang mga mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Tila matatalino naman ang mga taong iyon, pero sa katunayan ay wala silang kakayahang makaarok, napakahina ng kakayahan nila at napakasama ng pagkatao nila, wala silang dinadalang tunay na pasanin sa mga tungkulin nila, at hindi talaga sila karapat-dapat na malinang. Gayumpaman, sila ang umookupa ng mga posisyon ng mga lider at manggagawa sa iglesia. Ang resulta nito ay hindi nagagawa nang maayos at mabilis ang karamihan ng gawain ng iglesia, o mabagal ang pag-usad nito, at masyadong matagal bago maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang epekto at kinahihinatnang dulot ng maling paggamit sa mga tao ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia.

Karamihan sa mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan. Bagaman tila magaling silang magsalita, wala talaga silang kakayahang maarok ang katotohanan, hanggang sa puntong wala silang espirituwal na pang-unawa. Bulag ang kanilang mga mata at isipan, hindi nila makilatis ang anumang usapin at hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, na isa nang napakalaking problema. May isa pa silang mas malubhang problema, iyon ay na kapag nakaunawa at naging bihasa na sila sa ilang salita at doktrina at kaya na nilang isigaw ang ilang islogan, iniisip nilang mayroon na silang katotohanang realidad. Kaya, anumang gawain ang ginagawa nila at sinumang pinipili nilang gamitin, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, at lalong hindi nila sinusunod ang mga pagsasaayos sa gawain at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Nakapalaki ng tiwala nila sa sarili nila, palagi nilang iniisip na tama ang mga ideya nila at ginagawa nila ang anumang gusto nila. Bilang resulta, kapag nahaharap sila sa isang suliranin o pambihirang pangyayari, hindi nila alam ang gagawin. Bukod pa rito, madalas silang nagkakamali sa paniniwala na, dahil maraming taon na silang gumagawa sa sambahayan ng Diyos at may sapat na karanasan na sila sa paglilingkod bilang lider doon, alam na nila kung paano patakbuhin at paunlarin ang gawain ng iglesia. Tila nauunawaan na nila ang mga bagay na ito, pero ang totoo, hindi talaga nila alam kung paano gumawa ng anumang gawain. Ginagawa nila ang gawain ng iglesia sa anumang paraang gusto nila, sinusunod nila ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, karanasan at mga nakagawian nila, at ang mga regulasyon nila. Ito ang nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at pumipigil sa kanila na magbunga ng anumang tunay na resulta. Kung may ilang tao sa isang grupo na nakakaunawa sa katotohanan at kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain, kaya nilang mapanatili ang pagiging normal ng gawain sa grupong iyon. Pero, wala talaga itong kinalaman sa huwad na lider. Ang dahilan kung bakit pwedeng magawa nang maayos ang gawain ay dahil may ilang mabuting tao sa grupo na kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain at panatilihin ang gawain sa tamang direksyon; hindi ibig sabihin nito na gumawa ng totoong gawain ang huwad na lider nila. Walang magagawang bahagi ng gawain kung walang ilang mabuting tao na gaya nito ang namamahala. Sadyang hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang gawain nila, at wala talaga silang silbi. Bakit guguluhin ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia? Una, dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi sila naghahanap ng paraan kung paano lutasin ang mga problema, kaya nagkakapatong-patong ang mga problema at humihinto ang gawain ng iglesia. Ikalawa, mga bulag ang mga huwad na lider, at hindi nila natutukoy ang mga indibidwal na may talento. Hindi nila magawan ng mga angkop na pagbabago ang mga tauhan ng superbisor na pangkat, na nagreresulta sa kawalan ng naaangkop na tagapamahala sa ilang gawain, na humahantong sa paghinto ng gawain. Ikatlo, ang mga huwad na lider ay kumikilos nang masyadong katulad ng mga opisyal. Hindi nila pinapangasiwaan o ginigiya ang gawain, at kung nasaan naroon ang kahinaan sa gawain, hindi sila maagap na nakikibahagi o nagbibigay ng gabay sa mga detalye ng gawain. Halimbawa, ipagpalagay nang sa isang partikular na aytem ng gawain, ang ilang tao na gumaganap ng gawain ay mga bagong mananampalataya na walang masyadong pundasyon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila masyadong pamilyar sa larangan ng gawain, at hindi pa nila masyadong naaarok ang mga prinsipyo ng gawain. Ang isang huwad na lider, dahil bulag siya, ay hindi nakikita ang mga problemang ito. Naniniwala siya na basta’t may gumagawa ng gawain, ayos na iyon; hindi mahalaga kung maganda o hindi ang pagkakagawa rito. Hindi niya alam na saanman may kahinaan sa gawain ng iglesia, dapat niya itong subaybayan, siyasatin, at igiya; na dapat siyang personal na makibahagi sa paglutas ng mga problema at suportahan ang mga gumagawa ng tungkulin hanggang sa maunawaan ng mga ito ang katotohanan, makakilos ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at makapasok sa tamang landas. Kapag naabot na ang puntong ito, saka lang hindi na nila kailangang mag-alala nang labis. Hindi ganito gumawa ang mga huwad na lider. Kapag nakikita nilang may taong naroroon para gumawa ng gawain, hindi na nila ito pinapansin. Hindi sila nagtatanong, anuman ang kalagayan ng gawain. Kung saan may kahinaan sa gawain, o kung may isang superbisor na may mahinang kakayahan, hindi sila personal na nagbibigay ng gabay sa gawain, at hindi sila mismo nakikilahok sa gawain. At kapag ang isang superbisor ay may kakayahang pasanin ang gawain, ang mga huwad na lider ay lalong hindi personal na nagsusuri sa mga bagay-bagay o naggigiya; nagpapasarap lang sila, at kahit na may mag-ulat ng isang isyu, hindi sila nagtatanong tungkol dito—iniisip nilang hindi na ito kailangan pa. Walang ginagawa ang mga huwad na lider sa partikular na gawaing ito. Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider ay mga imoral na hindi gumagawa ng kahit katiting na tunay na gawain. Naniniwala sila na sa anumang gawain, basta’t may namamahala at nakahanda ang lahat na akuin ang gawain, tapos na ang mga bagay-bagay. Iniisip nila na ang kailangan lang nilang gawin ay magpatawag ng pagtitipon paminsan-minsan, at magtanong-tanong kung may lumitaw na isyu. Habang gumagawa sa ganitong paraan, naniniwala pa rin ang mga huwad na lider na mahusay ang kanilang ginagawa at nasisiyahan sila nang husto sa sarili nila. Iniisip nila, “Walang problema sa anumang aytem ng gawain. Ang mga tauhan ay ganap nang naisaayos, at ang mga superbisor ay nakatalaga na. Napakagaling ko sa gawaing ito, talagang may talento ako!” Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sobrang bulag ng mga mata at isipan nila na hindi nila nakikita ang anumang gampanin na dapat gawin at hindi nila natutuklasan ang anumang mga problema. Sa ilang lugar, tumigil na ang mga gawain, pero ayon sila, kontento, iniisip nila, “Bata pa ang lahat ng kapatid, mga baguhan silang lahat. Ganadong-ganado sila sa pagharap sa mga tungkulin nila; siguradong magagawa nila nang maayos ang gawain.” Ang totoo, mga baguhan ang mga kabataang ito, wala silang kaalaman sa anumang mga propesyonal na kasanayan. Kailangan nilang matuto habang gumagawa sila. Naaangkop na sabihing hindi pa nila alam kung paano gawin ang anumang gawain: Ang ilan ay pwedeng may kaunting maunawaan, pero hindi sila mga eksperto, at hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, at kapag nakatapos sila ng isang gampanin, kailangan itong paulit-ulit na itama o madalas na ulitin pa nga. Mayroon ding ilang kabataang hindi pa nasanay at hindi pa nakaranas ng pagpupungos. Labis silang balasubas at tamad, at sakim sa kaginhawahan; hindi nila tinatanggap kahit katiting na katotohanan, at kapag nagdurusa sila nang kaunti, walang tigil ang kanilang paghihimutok. Karamihan sa kanila ay mga pabaya at mga imoral na nag-iimbot ng kaginhawahan. Sa ganitong uri ng mga kabataan, dapat talagang makipagbahaginan ka nang madalas sa kanila tungkol sa katotohanan, at lalong dapat mo silang pungusan. Dapat na may namamahala at nagbabantay sa mga kabataang ito. Dapat mayroong lider o manggagawa roon na personal na umako ng responsabilidad sa gawain nila at nagbibigay ng personal na pagsubaybay at paggiya. Sa ganoong paraan lang pwedeng magbunga nang kaunti ang gawain nila. Kung ang lider o manggagawa ay aalis sa lugar ng gawain at hindi niya aasikasuhin ang gawain o hindi siya magtatanong tungkol dito, magkakagulo-gulo ang mga taong ito, at walang magiging bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Gayumpaman, walang kabatiran ang mga huwad na lider tungkol dito. Nakikita nila ang lahat bilang mga kapatid, bilang mga taong masunurin at mapagpasakop, kaya malaki ang tiwala nila sa mga ito, at binibigyan ang mga ito ng mga gawain at pagkatapos ay hindi na iniintindi ang mga ito—ito ang pinakamainam na ebidensiya ng pagiging bulag ng mata at isipan ng mga huwad na lider. Hindi talaga nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila malinaw na nakikita ang mga bagay, at hindi nila kayang matuklasan ang anumang problema, pero iniisip nilang maayos ang ginagawa nila. Ano ang iniisip nila sa araw-araw? Iniisip nila kung paano kumilos na parang isang opisyal at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang mga huwad na lider, tulad ng mga taong walang isip, ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Wala silang ginagawang tunay na gawain, pero naghihintay pa rin sila na purihin sila ng sambahayan ng Diyos at itaas nito ang ranggo nila. Talagang wala silang kahihiyan!

Ganap na walang silbi ang mga huwad na lider sa paggawa ng kanilang mga trabaho, at walang anumang kapuri-puri tungkol sa kanila. Bigo silang maarok ang mga prinsipyo pagdating sa kabuuang sitwasyon, lalo na ang mga nauugnay sa partikular na detalyadong gawain. Halimbawa, may ilang tao na may mahuhusay na propesyonal na abilidad ngunit sobrang mahina ang pagkatao, samantalang may iba naman na walang problema sa kanilang pagkatao, pero may mahinang kakayahan at propesyonal na abilidad. Pagdating sa kung paano dapat gamitin at italaga ang mga taong ito sa makatwirang paraan, mas lalong kakaunti ang alam ng mga huwad na lider sa mga ganitong mas tiyak at detalyadong bagay. Kaya, sa tuwing tinatanong ang mga huwad na lider kung nakahanap na ba sila ng taong medyo may mahusay na kakayahan na puwedeng linangin, sinasabi nilang wala pa silang nahanap. Sobrang bulag ang mga huwad na lider—paano sila makakahanap ng sinumang tao? Kung tatanungin mo sila kung anong klase ang isang sister, sasabihin nilang nag-iimbot ang sister na ito ng mga kaginhawahan ng laman; tanungin mo sila kung anong klase ang isang brother, at sasabihin nilang madalas na negatibo ang brother na ito; tanungin mo sila kung anong klase ang iba pang tao, at sasabihin nila sa iyo na matagal nang hindi nananampalataya sa Diyos ang taong iyon at wala itong pundasyon. Sa mga mata nila, walang sinuman ang sapat na mahusay. Tinitingnan lang nila ang mga kamalian, pagkukulang, at pagsalangsang ng ibang tao; hindi nila magawang suriin kung umaayon ba ang isang tao sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagtataguyod at paglilinang, o kung ang taong ito ba ay isang mabuting kandidato para sa pagtataguyod at paglilinang. Hindi nila matukoy kung sino ang tunay na naaangkop na itaguyod at linangin, pero sobrang masigasig at mabilis nilang itinataguyod iyong mga hindi nakakatugon sa mga hinihingi at mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Itinataguyod nila ang lahat ng mayayamang babae, mayayamang lalaki, at mga anak ng mayayamang pamilya sa iglesia, pati na iyong nakapaglingkod bilang mga opisyal sa mundo sa labas, iyong mga magaling magsalita, at iyong mga marunong mandaya at manggantso—sa anumang kaso, itinataguyod nila ang sinumang kilala at respetado sa mundo sa labas at ang sinumang mahilig magpapansin. Naniniwala sila na ang mga taong ito ang tanging may talento, at wala silang natutukoy o itinata na kahit isang tao na talagang nagtataglay ng kakayahang umarok at kayang tumanggap ng katotohanan. Magiging mas mahirap para sa isang huwad na lider na magbigay ng iisa at tunay na kalipikadong talento para sa sambahayan ng Diyos kaysa sa maglakad siya papuntang buwan. Halimbawa, sabihin natin na kasalukuyang nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga indibidwal na may talento para sa gawaing nakabatay sa teksto—may ganitong uri ng tao sa isang iglesia na pinangangasiwaan ng isang huwad na lider, pero hindi iminumungkahi ng huwad lider ang pangalan ng taong ito. Kapag tinanong ang huwad na lider kung bakit hindi niya itinaguyod o nilinang ang taong iyon, sasabihin niya: “Dalawang beses na nakiapid ang taong iyon habang nasa unibersidad, pero hindi na niya iyon inulit simula nang mag-asawa siya. Hindi ko alam kung dapat ba siyang itaguyod o hindi.” Anong klaseng pahayag ito? Makakasiguro ba ang huwad na lider na ang mga mayaman at makapangyarihang taong itinataguyod nila ay hindi kailanman nakiapid? Hindi ba’t mas malala pa ang ginagawa ng mga taong iyon? Bakit hindi nila nakikita iyon? Ang mga huwad na lider ay sobrang huwad na espirituwal, ipinapalabas nilang may alam silang ilang prinsipyo, at nagdadahilan sila para pangatwiranan ang hindi nila pagtataguyod sa mga dapat sana ay itaguyod at linangin. Sa mga mata nila, mas mababa ang lahat ng tao kaysa sa kanila. Ano ang nangyayari sa huli? Nakapanindigan ba ang mga “mataas” at “taong may talento” na itinaguyod ng mga huwad na lider? Hindi naman sa sinasabi nating tiyak na hindi mabubuting tao ang mga taong ito. Ang pangunahing inilalantad natin dito ay na ang prinsipyo ng mga huwad lider sa pagtrato sa mga tao ay ang gumamit ng mga kuru-kurong pantao bilang sukatan, sa halip na gumamit ng katotohanan, at na ang prinsipyo nila sa pagtataguyod at paglilinang ng mga tao ay ang sumunod sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kagustuhan, at ganap na pananaw ng mga walang pananampalataya, sa halip na gamitin ang mga kinakailangang pamantayan ng sambahayan ng Diyos bilang kanilang sukatan. Bakit nagagawa ito ng mga huwad na lider? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, nagagawa nilang itaguyod iyong mga sadyang hindi nakakatugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, tumuon sa paglilinang ng mga ito, at hayaan ang mga ito na humawak ng mahahalagang trabaho sa sambahayan ng Diyos. Ganoon ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider. Tingnan mo ang mga huwad na lider sa paligid mo; hindi ba’t ganito sila gumawa at ganito nila tratuhin ang mga tao?

May isang partikular na pananaw na madalas na nabubunyag sa mga huwad na lider: Iniisip nila na ang mga may kaalaman, may katayuan, at ang mga nakapagserbisyo bilang mga opisyal sa mundo sa labas ay pawang mga taong may talento, at na dapat linangin at gamitin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao kapag nagsimula na silang manampalataya sa Diyos. Talagang pinahahalagahan at sinasamba nila ang mga gayong tao—itinuturing pa nga nila ang mga ito na parang sarili nilang kamag-anak o kapamilya. Kapag ipinapakilala nila ang mga taong ito sa iba, madalas nilang ikinukuwento kung paanoong sa mundo sa labas, ang mga taong ito ang boss ng isang kumpanya, o ang lider ng isang departamento ng gobyerno, o editor ng isang pahayagan, o direktor sa departamento ng pampublikong seguridad, o ikinukuwento nila kung gaano kayaman ang mga ito. Napakataas ng tingin ng mga huwad na lider sa mga gayong klase ng tao. Ano ang masasabi ninyo, may kakayahan ba ang mga huwad na lider? Hindi ba’t sila ay huwad na espirituwal, at hindi nakakikilatis sa mga bagay-bagay? Iniisip ng mga huwad na lider na sapagkat may talento ang mga taong ito sa lipunan, dapat silang linangin ng sambahayan ng Diyos at bigyan ng mahalagang papel na gagampanan sa pagpasok nila rito. Tama ba ang pananaw na ito? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Kung walang pagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito kahit kaunti, at walang konsensiya at katwiran, maaari ba silang linangin at bigyan ng mahalagang tungkulin ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila kalipikadong linangin. Ang katunayan na sila ay mga indibidwal na may talento sa gitna ng mga walang pananampalataya ay hindi nangangahulugan na sila ay mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos, ngunit gustung-gusto ng mga huwad na lider na ito ang pagiging opisyal, at labis nilang sinasamba ang mga naging opisyal. Sa tuwing nakakakita sila ng mga taong naging opisyal o may katayuan sa mundo sa labas, labis-labis silang nagbibigay-galang at kumikilos nang sobrang mapagpalugod, parang mga alipin sa harap ng kanilang amo; desperado silang nagnanais na tawagin ang mga ito na nanay o tatay, o ate o kuya, at hinihiling din nilang maitaguyod ang mga taong ito para maging mga lider o manggagawa sa iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, mga tao ba ito na naghahangad sa katotohanan? Ang pagkakaroon ba nila ng kaunting katayuan at pagtatamasa ng kaunting kasikatan sa mundo sa labas ay nangangahulugan na angkop silang magserbisyo bilang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan at puno sila ng mayabang at palalong disposisyon, karapat-dapat ba silang maging lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Naaayon ba sa mga prinsipyo na itaguyod ang mga tao sa pamamagitan lang ng pagtuon sa kanilang katayuan at kasikatan, at pagbabalewala sa kanilang karakter? Alam ba ng mga huwad na lider kung anong klaseng mga tao ang gusto ng Diyos, at anong klaseng mga tao ang itinataguyod at ginagamit Niya? Paulit-ulit na binibigyang-diin ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na dapat itaguyod at linangin ang mga tao ayon sa tatlong pamantayan: Una, dapat nagtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran; pangalawa, dapat sila ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap sa katotohanan; at pangatlo, dapat mayroon silang sapat na kakayahan at nagtataglay ng kakayahan sa gawain. Tanging ang mga nakakatugon sa tatlong pamantayang ito ang maaaring itaguyod at linangin, at kalipikado na maging mga kandidato at maging mga lider o manggagawa. Hindi sapat ang magtaglay lang ng kakayahan at talento. Karakter dapat ang una, at pangalawa, mahalaga ang magawang tanggapin ang katotohanan—ang dalawang ito ang mga pinakamahalagang pamantayan. Kung itinaguyod ang masasamang tao na walang pagmamahal para sa katotohanan, magiging kapinsa-pinsala ang mga kahihinatnan, kaya, ang mga walang pagkatao ay tiyak na hindi pahihintulutang maitaguyod. Pero binabalewala ng mga huwad na lider ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag pumipili at gumagamit ng mga tao, palagi nilang pinagtutuunan kung mayroon bang katayuan sa lipunan ang isang tao, kung ano ang pinagmulan at posisyon nito, kung mataas ba ang antas ng pinag-aralan nito, at kung gaano kataas ang reputasyon nito sa lipunan—ito ang mga aspekto na kanilang pinagtutuunan kapag nagtataguyod at naglilinang ng mga tao. Naaayon ba ito sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos? Naaayon ba ito sa katotohanan ng mga salita ng Diyos? Sino ang mga taong iyon na may katayuan sa lipunan? Masasabi na sila ay pawang mga taong nakikipaglaban para sa kapangyarihan at katayuan sa anumang paraan, at na nabibilang sila kay Satanas. Kung gagamit sila ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, magiging iglesia pa rin ba ito ng Diyos? Ano ang layunin ng mga huwad na lider sa pagtataguyod ng mga taong nabibilang kay Satanas paramaging mga lider? Ang ganitong pagkilos ba ay naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang at paggamit ng mga tao? Hindi ba’t hayagang panggugulo at pagsira ito sa gawain ng iglesia? Ang walang prinsipyong pagtataguyod at paglilinang ng mga huwad na lider sa mga tao ay ang nagdudulot ng pinakamatinding pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, at ito ay isang paraan ng paglaban sa Diyos.

Sobrang hina ng kakayahan ng mga huwad na lider at wala silang abilidad na umarok sa katotohanan. Kahit gaano karaming sermon ang pinakikinggan nila o gaano karaming salita ng Diyos ang binabasa nila, hindi pa rin sila ganap na nakakaarok, o nakakaunawa sa katotohanan, at kahit pa ilang taon na silang nangaral ng mga doktrina, hindi nila nauunawaan ang sinasabi nila—puro kalokohan lang it0, at imposibleng maintindihan kung ano ang gusto nilang iparating! Kaya nilang makaalala at mangaral ng kaunting doktrina, kaya akala nila ay mayroon silang katotohanang realidad, pero wala silang ginagawang may kaugnayan sa katotohanan—ito ang mga pinakatipikal na halimbawa ng Pariseo. Sa panlabas, tila madalas silang nangangaral sa mga tao, at nagsasabi ng magagandang-pakinggang bagay, na parang nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit ang ginagawa nila ay kontra at kabaligtaran nito. Sinasabi rin nila na pinaglilingkuran nila ang Diyos at ginagawa ang gawain ng iglesia, samantalang sa katunayan, ang lahat ng ginagawa nila ay lubusang mapanlaban sa Diyos. Hindi kailanman itinataguyod ng mga huwad na lider ang mga taong may talento na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila pinapansin at nagbubulag-bulagan lang sila sa mga medyo matapat na tao na tunay na naghahangad sa katotohanan. Sa halip, itinataguyod at nililinang nila iyong mga nambobola, iyong mga tuso at mapanlinlang, at iyong may mga ambisyon at mga pagnanais na tumanggap ng gawain sa iglesia. Ang resulta ng lahat ng ito ay na, pagkalipas ng ilang panahon sa gawain, ang iba’t ibang gawain sa iglesia ay humihinto at halos napaparalisa ang gawain ng iglesia, kaya, nasira ang gawain ng iglesia sa mga kamay ng mga huwad na lider na ito. Hindi ba’t kasuklam-suklam sila, ang uri ng pagkatao ng mga huwad na lider na ito? Dapat ba silang tanggalin? Dapat silang tanggalin! Ang bawat araw ng pagkaantala ay nakakaapekto sa gawain ng iglesia sa isang buong araw. Ayaw magbitiw nang kusa ng ilang huwad na lider kahit alam nilang wala silang kakayahang gumawa ng totoong gawain, at patuloy silang nag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan, at aabot pa nga sila sa puntong pipinsalain ang gawain ng iglesia. Mayroon bang kahit katiting na katwiran ang mga taong ito? Walang kakayahang umarok ang mga huwad na lider, o anumang tunay na talento at kaalaman, at hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, at nag-iimbot din sila sa mga pakinabang ng katayuan—sila ay mga taong walang kahihiyan; kaya’t tiyak na hindi sila dapat itaguyod at linangin. Kung sa tingin mo ay napakahina ng iyong kakayahan, at na wala kang abilidad na makilala ang tama sa mali, at na wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, kung gayon, anuman ang gawin mo, huwag mong paunlakan ang iyong mga ambisyon at mga pagnanais, at huwag mong pagnilayan kung paano magsumikap sa pagiging opisyal sa iglesia—sa pagiging lider ng iglesia—hindi ganoon kadali ang maging lider. Kung hindi ka isang matapat na tao at wala kang pagmamahal sa katotohanan, sa sandaling maging isa kang lider, magiging isa kang anticristo o isang huwad na lider. Mga taong walang konsensiya at katwiran ang kapwa mga anticristo at mga huwad na lider, at sila ay mga taong kayang gumawa ng kasamaan at guluhin ang gawain ng iglesia. Bagama’t totoong masasabi na mga diyablo at Satanas ang mga anticristo, hindi rin mabubuting tao ang mga huwad na lider; sa pinakamababa, sila ay tahasang mga taong walang kahihiyan, na walang konsensiya at katwiran. Mayroon bang anumang maringal sa pagiging isang huwad na lider at sa pagkakatanggal? Nakakahiya iyon, isang mantsa, at talagang wala anumang ikinararangal tungkol dito. Kung may pagpapahalaga ka sa pasanin sa gawain ng iglesia, at nais makilahok doon, mabuti ito; ngunit dapat mong pagnilayan kung nauunawaan mo ba ang katotohanan, kung nagagawa mo bang magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, kung nagagawa mo bang tunay na magpasakop sa gawain ng Diyos, at kung nagagawa mo bang isagawa nang maayos ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung nakakatugon ka sa mga pamantayang ito, maaari kang tumakbo upang maging lider o manggagawa. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito ay na kahit paano, dapat magkaroon ng kamalayan sa sarili ang mga tao. Tingnan muna kung kaya mong kilatisin ang mga tao, kung kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Kung natutugunan mo ang mga hinihinging ito, angkop kang maging lider o manggagawa. Kung wala kang kakayahang suriin ang sarili mo, maaari mong tanungin ang mga tao sa paligid mo na pamilyar sa iyo o malapit sa iyo. Kung sinasabi nilang lahat na hindi sapat ang kakayahan mo para maging isang lider, at na sapat na ang paggawa mo lang nang maayos sa kasalukuyan mong gawain, kung gayon ay dapat mong agad na kilalanin ang iyong sarili. Dahil mahina ang kakayahan mo, huwag gugulin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider—gawin mo lamang ang kaya mo, gawin nang maayos ang iyong tungkulin, nang praktikal, upang magkaroon ka ng kapayapaan ng isipan. Mabuti rin ito. At kung kaya mong maging lider, kung talagang taglay mo ang gayong kakayahan at talento, kung taglay mo ang kakayahan sa gawain, at nakararamdam ka ng pasanin, ikaw tiyak ang uri ng taong may talento na kulang sa sambahayan ng Diyos, at siguradong maitataas ka ng ranggo at malilinang; ngunit may oras ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang hiling na ito—ang hiling na maitaas ang ranggo—ay hindi ambisyon, kundi dapat taglay mo ang kakayahan, at pasado ka sa mga pamantayan, para maging lider. Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol mo pa rin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gawain, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, pumapasa sa pamantayan ng pagiging lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuti ito. Ang iba ay walang kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gawin nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan.

Ang mga inihalal bilang mga lider at manggagawa, o mga itinaguyod at nilinang, ay dapat hindi nangangarap nang gising, sa pamamagitan ng pag-aakalang, “Pinili ako ng mga kapatid mula sa napakaraming tao, itinaguyod ako ng sambahayan ng Diyos, kaya talaga ngang mayroon akong kaunting talento, at mas magaling ako kaysa sa mga ordinaryong tao; ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang sa huli.” Mabuti bang mag-isip nang ganito? Hindi ba’t pagbubunyag ito ng tiwaling disposisyon? (Oo.) Ang maitaguyod at malinang ay isang mabuting bagay at isang magandang oportunidad, pero kung kaya mo ba o hindi na tahakin ang landas na ito nang maayos ay nakadepende sa kung paano mo haharapin ang oportunidad na ito at kung kaya mo ba itong pahalagahan. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong ito, pero hindi iyon nangangahulugan na mas magaling ka talaga kaysa sa iba; maaaring mas mahusay nang kaunti ang kakayahan mo kaysa sa iba o na mayroon kang ilang kaloob, pero hindi natin masasabi kung ano ang iyong buhay pagpasok at kung taglay mo ba ang katotohanang realidad—dahil pareho lang ang mga tiwaling disposisyon ng lahat ng tao, at isa ka ring miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Kung mapagtatanto mo ito, magagawa mong harapin nang tama ang pagtataguyod at paglilinang sa iyo ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo dapat ituring ang sarili mo bilang isang taong may talento, ni isipin na taglay mo na ang katotohanang realidad. Sadyang mayroon ka lang kaunting kakayahan at kayang magsumikap sa katotohanan, kaya nabigyan ka ng pagkakataong sanayin ang sarili mo. Panahon ito ng probasyon, at hindi pa tiyak kung ikaw ba talaga ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung karapat-dapat ka bang linangin. Hindi natin masasabi kung magagawa mo bang manindigan pagkatapos ng panahong ito ng pagsubok. Maaaring panatilihin ka para patuloy na linangin, o maaaring itiwalag ka—nakasalalay ang lahat kung gaano katinding pagsisikap ang ibubuhos mo. Ganito ang tungkol sa pagtataguyod ng mga tao para maging mga lider at manggagawa, at dapat mong maunawaan iyon. Walang saysay na ikaw mismo ay nag-iisip na isa kang taong may talento. Kung hindi ka itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos, isa kang walang kwenta. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at ayaw mong gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, wala kang anumang maisasakatuparan. Kung sasabihin mo na, “Hindi ako ginagamit ng sambahayan ng Diyos, lalabas ako tungo sa lipunan,” sige kung gayon, lumabas ka tungo sa lipunan at subukan mo, tingnan mo kung sino ang magtataguyod sa iyo, at tingnan mo kung ano ang kaya mong isakatuparan. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito sa inyo ay na dapat mayroon kayong tamang pag-unawa at pagharap sa pagtataguyod at paglilinang sa inyo ng sambahayan ng Diyos. Ang mga may mahina o katamtamang kakayahan na hindi nakakatugon sa pamantayang hinihingi para sa pagtataguyod at paglilinang sa sambahayan ng Diyos ay kailangan lang tumupad sa kanilang tungkulin nang masunurin at matatag. Basta’t ginagawa nila ang tungkulin nila nang buong puso at isipan, hindi sila tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Kaya, huwag kayong makipag-away tungkol sa mga usapin ng pagtataguyod at paglilinang, pero huwag din ninyong tanggihan ang mga ito; hayaan lang ang natural na daloy ng lahat ng bagay; sa isang banda, kailangan ninyong sumunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sa kabilang banda, kailangan mong magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos—ito ang tamang daan. Madali bang gawin ito? (Oo, madali.) Mayroon bang anumang pakinabang sa isang taong may mahinang kakayahan na maging isang lider? Sa huli, kapag naklasipika siya bilang isang huwad na lider at naitiwalag, ano ang mararamdaman niya tungkol dito? Iyon ba ang gusto niya? (Hindi.) Dadalhin niya ang titulong “huwad na lider” sa isipan niya, at kahit saan siya magpunta, sasabihin ng mga tao na minsang naging huwad na lider ang taong ito. Mabuti ba iyon o masama? Hindi iyon mabuti, at hindi iyon isang bagay na marangal. Ang mga tao ay dapat magkaroon ng tamang pag-unawa at saloobin sa pagtataas ng ranggo at paglilinang; sa mga bagay na ito, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi sundin ang sarili nilang kagustuhan, o magkaroon ng mga ambisyon at pagnanais. Kung pakiramdam mo ay mahusay ang kakayahan mo ngunit hindi ka pa naitaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos kahit kailan, ni wala silang anumang planong linangin ka, huwag kang madismaya o magsimulang magreklamo, tumuon ka lamang sa paghahangad sa katotohanan at pagpupunyagi. Kapag nagkaroon ka na ng kaunting tayog at kaya mo nang gumawa ng tunay na gawain, natural na pipiliin kang maging lider ng mga taong hinirang ng Diyos. At kung pakiramdam mo ay mahina ang kakayahan mo, at na wala kang tsansang maitaas ng ranggo o malinang, at na imposibleng makamtan ang iyong mga ambisyon, hindi ba mabuti ito? Poprotektahan ka nito! Dahil mahina ang iyong kakayahan, kung makatagpo ka ng isang grupo ng mga bulag na magulo ang isip na pinipili kang maging kanilang lider, hindi ba’t malalagay ka sa panganib? Hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain at bulag ang iyong mga mata at isipan. Lahat ng ginagawa mo ay panggagambala; bawat galaw mo ay paggawa ng masama. Mas mabuti pang gawin mo nang maayos ang gawain ng kasalukuyan mong tungkulin; kahit paano ay hindi mo maipapahiya ang sarili mo, at mas mabuti iyon kaysa maging isang huwad na lider at maging puntirya ng pagpupuna kapag walang nakakarinig. Bilang isang tao, dapat mong sukatin ang iyong sarili, dapat may kaunti kang kamalayan sa sarili; kung magkagayon, maiiwasan mong tumahak sa maling landas at gumawa ng malulubhang pagkakamali.

Gusto ba ninyong maging huwad na lider, o isang ordinaryong tagasunod? (Isang ordinaryong tagasunod.) Kung ihahalal ka ng mga kapatid, subukan mo ito; baka mas tumpak ang pananaw nila sa iyo kaysa sa pakiramdam mo tungkol sa sarili mo. Kung sa tingin ng mga kapatid ay kaya mo, dapat mong ibigay ang lahat ng makakaya mo. Kung talagang ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya pero nabibigo ka pa rin sa iyong gawain, at ang puso mo ay nag-aalab sa pagkabalisa na hindi ka makakain o makatulog nang dahil dito, at talagang hindi mo alam kung paano ito gawin nang tama, kung gayon, tumigil ka sa pagiging lider o manggagawa—masyadong mahirap ito para sa iyo. Kung magpapatuloy ka, malamang na magiging isa kang huwad na lider, kaya dapat kang maagap na sumulat ng isang liham ng pagbibitiw, na nagdedeklarang: “Dahil mahina ang kakayahan ko at wala akong kakayahang gumawa ng totoong gawain, kung ipagpapatuloy ko ang pagiging lider, hindi magtatagal ay tiyak na magiging isa akong huwad na lider sa huli, kaya, hinihiling ko na magbitiw, at kusang-loob na talikuran ang posisyon.” Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, at ang pinakaangkop na gagawin! Ito ay makatwiran, at mas mainam kaysa sa manatili sa posisyon at maging isang huwad na lider. Kung alam na alam mo na may mahina kang kakayahan at wala kang kakayahang maging lider pero hindi mo matiis na bitiwan ang katayuan, at sinasabi mo sa sarili mo na, “Bakit hindi ko ito kayang gawin? Sino ang makakatulong sa akin? Napakaganda sana kung mapapanatili ko ang katayuan ko bilang lider habang may iba na nag-iisip ng lahat ng plano at estratehiya para sa akin! Sa ngayon, walang ibang naaangkop na pumalit sa puwesto ko, kaya’t maaari lang akong magpapatuloy sa pagiging isang lider at magtamasa rito sa bawat araw na nasa trabaho ako; kahit na hindi ko magawa ang gawain, ako pa rin ang lider, at mas mainam ang maging isang lider kaysa sa maging isang ordinaryong kapatid. Kung hindi ako tatanggalin ng sambahayan ng Diyos at hindi ako aalisin ng mga kapatid, hindi ako magbibitiw.” Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? (Hindi ito makatwiran; kung wala akong kakayahang gumawa ng totoong gawain at hindi pa rin ako magbibitiw, maaantala lang nito ang gawain ng iglesia.) Ang ganitong pagkilos ay nakakaantala sa gawain ng iglesia—nasasaktan nito ang iba at ang iyong sarili. Alam mo ba kung ano ang kahulugan ng maging lider? Nangangahulugan ito na may tuwiran kang ugnayan sa pagpasok ng maraming tao sa buhay, at may tuwirang ugnayan ang pamumuno mo sa paraan ng kanilang pagtahak sa landas na nasa kanilang harapan. Kung namumuno ka nang maayos at inaakay mo sila sa tamang landas, magagawa nilang tumahak sa tamang landas. Kung mahina kang namumuno at dinadala mo sila sa kapahamakan, at nagiging Pariseo sila kagaya mo, malaki ang iyong kasalanan! At pagkatapos mong gawin ang malaking kasalanan na ito, iyon na ba ang magiging katapusan nito? Itatala ito ng Diyos! Alam na alam mo na kulang ang iyong kakayahan, na isa kang huwad na lider, at wala kang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, subalit hindi ka umaamin sa iyong mga kamalian at nagbibitiw, kundi walang-pakundangan kang kumakapit sa iyong posisyon, at ayaw mo itong isuko sa iba. Isang kasalanan ito, at tatandaan ito ng Diyos. At makakabuti ba o makakasama sa iyong hinaharap na tinatandaan Niya ito? Manganganib ka! Tapatan kong sasabihin sa iyo ang totoo: Tinatandaan ng Diyos ang gayong mga bagay para sa bawat isang tao, at bawat bagay ay nakasulat nang malinaw. Kung may napakatinding bagay na mangyayari sa iyong landas tungo sa kaligtasan, malaki ang magiging epekto nito sa iyo! Anuman ang gawin mo, huwag mong tahakin ang landas na ito, at huwag kang maging ganitong klase ng tao.

Maikli nating napagbahaginan ang ilan sa mga kaugalian at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Sa kabuuan, ang uri ng tao na isang huwad na lider ay hindi gumagawa ng totoong gawain, at walang kakayahang gumawa ng totoong gawain. Mahina ang kakayahan niya, bulag ang mga mata at isipan niya, wala siyang kakayahang tumuklas ng mga problema, at hindi siya nakakakilatis sa iba’t ibang uri ng tao, kaya’t hindi niya magawang pasanin ang mahalagang gawain ng pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Samakatwid, wala siyang paraan na magawa nang maayos ang gawain ng iglesia, at magdudulot siya ng maraming suliranin para sa hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok. Batay sa mga salik na ito, malinaw na hindi angkop na maging mga lider ng iglesia ang mga huwad na lider. Mayroong iba pang huwad na lider na hindi gumagawa ng partikular na gawain ng iglesia at hindi nakikipag-ugnayan sa mga superbisor ng partikular na gawain, kaya’t hindi nila alam kung aling mga indibidwal na may talento ang may kakayahang gumawa sa kung anong gawain, ni kung sino ang angkop sa kung anong gawain, o kung naaayon ba sa mga prinsipyo ang paggawa nila. Dahil dito, hindi nila maitaguyod o malinang ang mga taong may talento. Kung gayon, paano magagawa nang maayos ng mga gayong tao ang gawain ng iglesia? Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kayang gumawa ng totoong gawain ang mga huwad na lider ay dahil mahina ang kakayahan nila; wala silang kabatiran sa anumang bagay at hindi nila alam kung ano ba ang totoong gawain. Humahantong ito sa madalas na pagwawalang-kilos o pagkaparalisa sa gawain ng iglesia. Direktang nauugnay ang mga ito sa kabiguan ng mga huwad na lider na gumawa ng totoong gawain. Sa nakalipas na ilang taon, paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na kailangang alisin ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya, at tanggalin ang mga huwad na lider at manggagawa. Bakit kailangang alisin ang iba’t ibang masamang tao at hindi mananampalataya? Dahil matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi pa rin tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan kahit kaunti, at umabot na sila sa puntong wala na silang pag-asa na maligtas. At bakit kailangang tanggalin ang lahat ng huwad na lider at manggagawa? Dahil hindi sila gumagawa ng totoong gawain, at hindi nila kailanman itinataguyod o nililinang ang mga taong naghahangad sa katotohanan; sa halip, inaaksaya lamang nila ang kanilang mga oras sa mga walang kabuluhang pagsisikap. Nagsasanhi ito ng pagkagulo at pagkaparalisa sa gawain ng iglesia, na nagpapatagal sa mga umiiral na problema, hindi nalulutas ang mga ito, at pinapabagal din nito ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Kung tatanggalin ang lahat ng huwad na lider at manggagawa na ito, at kung papaalisin ang lahat ng masasamang tao at hindi mananampalataya na gumugulo sa iglesia, likas na magiging maayos ang takbo ng gawain ng iglesia, likas na lalago nang mas mabuti ang buhay ng iglesia, at normal na makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos ang mga hinirang ng Diyos, at makakagawa ng kanilang mga tungkulin, at makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ito ang gustong makita ng Diyos.

Pebrero 27, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 6

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito