Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 28

Ikalabing-apat na Aytem: Kaagad na Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikapitong Bahagi)

Ang panlabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang “kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalawang pamantayan para sa pagkilatis ng iba’t ibang uri ng masasamang tao, na nakabatay sa kanilang pagkatao, sinasaklawan ang tatlong pagpapamalas. Basahin ang tatlong pagpapamalas na ito. (H. Pagkakaroon ng kakayanang magkanulo anumang oras; I. Pagkakaroon ng kakayanang umalis anumang oras; J. Pag-aalinlangan.) Pagkatapos magbahaginan tungkol sa tatlong pagpapamalas na ito, nauunawaan ba ninyo ang mga ito? (Oo.) Karamihan sa mga taong may mga ganitong problema ay karaniwang walang kakayanang maarok ang katotohanan; hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, ni hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Bukod pa rito, hindi kayang makilatis ng ilan sa kanila kung tungkol talaga saan ang pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang relihiyosong pananalig lang at na ang basta pagsunod sa mga relihiyosong ritwal ay sapat na. Hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng paggawa ng tungkulin; hindi malinaw sa puso nila maging ang tungkol sa kung umiiral ba ang Diyos, at hindi sila sigurado kung tama ba ang landas ng pagsunod sa Diyos. Gaano karaming taon man silang nanampalataya, o gaano karaming sermon man ang narinig nila, hindi sila kailanman nakapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Dahil dito, nag-aalinlangan sila, at kung may mangyaring hindi nila ikinalulugod, maari pa nga nilang iwan ang iglesia o ipagkanulo ang iglesia anumang oras. May mga partikular na prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa sa iba’t ibang uri ng tao na ito. Depende sa iba't ibang sitwasyon nila, may mga partikular na plano para sa kanilang pangangasiwa at pagpapasya; iyong mga dapat paalisin ay paaalisin, at iyong mga dapat patalsikin ay patatalsikin. Bagaman hindi masasamang tao ang ilan sa mga taong ito, at lalong hindi sila mga anticristo, batay sa kalikasan ng mga pagpapamalas nila at mga saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila mga tunay na kapatid. Kahit manatili pa sila sa iglesia, magiging napakahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan. Ano ang mga implikasyon ng pagiging mahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan? Ibig sabihin nito na dahil hindi nila kailanman maaarok ang mga salita ng Diyos at hindi kailanman mauunawaan ang katotohanan, sa huli ay mabibigo silang makamit ang kaligtasan at mabibigo silang makamtan ng Diyos. Ibig sabihin, sa huli, hindi sila maaaring maging mga tao ng sambahayan ng Diyos, hindi maaaring maging mga tunay na nilikha, at hindi makapagsasakatuparan ng tungkulin ng mga nilikha at makabalik sa harap ng Diyos. Bukod pa rito, madalas silang gumaganap ng negatibong papel sa iglesia. Hindi lang sila nabibigong magkaroon ng positibong epekto, kundi paminsan-minsan, nagdudulot din sila ng mga kaguluhan at pagkawasak, naaapektuhan ang mga kalagayan ng ilang tao at nagugulo ang ilan sa mga gumagawa ng tungkulin nito. Samakatwid, dapat magpatupad ang iglesia ng mga kaukulang hakbang para pangasiwaan sila, sa pamamagitan man ng panghihikayat sa kanilang umalis, o sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila. Sa anumang kaso, hindi sila dapat pahintulutang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia.

Ang mga Pamantayan at Batayan para sa Pagtukoy sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

J. Pag-aalinlangan

Hindi kailanman makukumpirma ng mga taong nag-aalinlangan kung umiiral ba talaga ang Diyos, at lalong hindi nila makukumpirma kung ang Diyos ba na pinananampalatayaan nila ay ang tunay na Diyos. Ngayon gusto nilang maghanap dito, at bukas gusto nilang tingnan ang mga bagay-bagay roon, hindi alam kung alin ang tunay na daan, palaging nagkikimkim ng maghintay-at-tingnan na saloobin. Sa kaso ng mga ganitong tao, kaagad silang hikayating umalis, sa pagsasabing: “Hindi mo kailanman makukumpirma na ang gawain ng Diyos ay ang tunay na daan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang iyong mga paghihirap. Ano ang magiging resulta ng patuloy na pananampalataya nang ganito? Dahil hindi mo mahal ang katotohanan at hindi ka nasisiyahan sa pamumuhay ng buhay-iglesia, dapat pumunta ka sa kung saan ka man interesado, batay sa sarili mong mga desisyon. Hindi mo ba gustong hangaring mangibabaw sa iba at makamit ang malaking tagumpay? Kung gayon, dapat kang lumabas sa mundo at magsikap para dito. Baka yumaman ka o maging isang opisyal at makamit ang mga pangarap mo sa mundo. Hindi ka na dapat pang magtagal sa sambahayan ng Diyos.” Sa kaso ng gayong mga tao, hindi mo sila dapat puwersahin o subukang hikayatin na manatili sa anumang paraan. Kung gusto nilang iwan ang iglesia, hayaan silang umalis. Ang palaging pagpapayo at panghihikayat sa mga hindi nananampalataya na ito at pag-uudyok sa kanilang manatili ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman pinupuwersa ng gawain ng Diyos ang mga tao, at kapag patuloy mong hinihila at binabatak iyong mga hindi makapagpasya, may elemento ng pamumuwersa rito. Gusto ng mga taong ito na lumabas para magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay nang matiwasay, o maghangad ng mga bagay na personal nilang gusto. Palagi silang mayroon ng mga layuning ito, at palagi silang mayroon ng mga sarili nilang mithiin at plano. Bagaman walang nakaaalam nito, ibinunyag na ito ng pag-uugali nila. Halimbawa, kapag ginagawa ang tungkulin nila, madalas silang walang sigasig, o madalas silang makakalimutin, pabaya, at pabasta-basta. Madalas silang nagpapakita ng matinding pag-aatubuling gawin ang tungkulin nila, palaging nararamdamang nawawalan sila, iniisip na ang paggawa ng tungkulin nila ay humahadlang sa kanilang kumita ng pera. Para sa mga ganitong tao, dapat silang hikayating umalis, sa pagsasabing: “Palagi kang walang sigasig at pabaya sa paggawa ng iyong tungkulin, at sa huli, mabibigo kang makamit ang katotohanan, at hindi ka sasang-ayunan ng Diyos—magiging isang malaking kawalan iyon! Dahil hindi ka interesado sa katotohanan, hindi magawang makumpirma ang pag-iral ng Diyos o ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at iniisip na kamangha-mangha ang mundo, naniniwalang kung hahangarin mo ang mundo ay maaari kang maging sobrang matagumpay at mangingibabaw sa iba, mas mabuti para sa iyo na bumalik sa mundo at magsikap doon. Ano ang saysay ng pagdurusa mo ng paghihirap na ito rito?” Sa partikular, madalas na pakiramdam ng mga taong ito na may kahusayan sila sa isang partikular na larangan, na mayroon silang ilang kasanayan at kakayahan, at naniniwalang kung makikipagsapalaran sila sa lipunan o sa mundo, maaari silang magkamit ng parehong kasikatan at kayamanan, magtatamasa ng mataas na katayuan at gantimpala. Gayumpaman, matapos manampalataya sa Diyos at magpabasta-basta ng ilang taon, hindi sila nakatanggap ng anumang promosyon o napili para sa anumang mahalagang posisyon. Hindi magawang mangibabaw sa iba, nakararamdam sila ng labis na pagkaagrabyado at matinding pag-ayaw sa puso nila. Ayaw nilang tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at mas lalong ayaw na gawin ang tungkulin nila. Palagi silang hindi mapakali at lumilipad ang isip, at pabagu-bago at hindi matatag. Paminsan-minsan, iniisip nila ang tungkol sa kung paanong nakakuha ng magagandang trabaho, nakapagkamit ng gayong katataas na posisyon, at namumuhay ng buhay na superyor kaysa sa iba ang mga kaklase at kaibigan nila, na lalong nagpaparamdam sa kanila na labis silang nagkakasala sa sarili nila sa pananampalataya nila sa Diyos, at iniisip na sila auy wala silang silbi, walang kakayahan, at isang kabiguan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, labis na nahihiyang harapin ang kanilang mga magulang at ninuno. Dahil dito, mas lalong sumasama ang loob nila at umaayaw sila, at labis nilang pinagsisisihan ang pagpiling manampalataya sa Diyos sa simula pa lang! Kaya’t lalo pang nag-aalinlangan ang isipan nila. Sa maraming taon ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin, hindi lang hindi lumakas ang pananalig nila, kundi nawala rin ang dating sigasig na mayroon sila. Paano sa palagay ninyo dapat pangasiwaan gayong mga tao? (Hikayatin silang umalis.) Kung hihikayatin mo silang umalis, maaaring sabihin nilang, “Nanampalataya ako sa diyos nang napakaraming taon, isinakripisyo ang aking edukasyon, pag-aasawa, at kinabukasan. Ngayon sinasabi mo sa aking iwan ang iglesia—hindi ba’t ibig sabihin niyon na ang lahat ng tiniis kong paghihirap ng mga taong ito ay para lang sa wala? Wala na ba talaga akong destinasyon sa hinaharap? Magiging kawalan iyon sa dalawang aspekto. Hindi ba’t parang kinitil na rin niyon ang buhay ko?” Sobrang walang puso bang hikayatin silang umalis? Naaangkop bang gawin ito? (Hindi kailanman ginustong manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos sa simula pa lang. Nanloko lang sila papasok sa iglesia para tumanggap ng mga pagpapapala. Kapag nakikita nilang palaging nakatuon ang iglesia sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan ng katotohanan, nakararamdam sila ng pagtutol sa mga bagay na ito at gusto nilang umalis. Dapat hikayating umalis ang gayong mga tao. Kahit mapanatili mo sila, hindi mo mapananatili ang puso nila.) Kung ginagawa nila ang tungkulin nila nang may kaunting pagiging taos-puso pero wala lang kalinawan sa katotohanan, o pansamantalang nagiging medyo negatibo at mahina dahil sa mga sagabal at kabiguan o nakaranas na mapungusan, sa mga ganitong kaso, maaari mong ibahagi ang katotohanan para tulungan at suportahan sila. Gayumpaman, kung ang kahinaan nila ay hindi pansamantala, kundi sa halip ay palagi silang pabaya at pabasta-basta sa paggawa ng tungkulin nila, at ginagawa ito nang walang sigasig, at nasisiyahan lang na hindi sila pinaaalis; at kung ginagawa nila ang tungkulin nila nang walang pagiging taos-puso o motibasyon, o, para sabihin ito nang mas tumpak, wala silang mga layon ng hangarin at nagpapalipas lang ng mga araw—kung nagiging malinaw na ganitong uri sila ng tao, maaari silang hikayating umalis.

Ang ilang tao ay mga hindi mananampalataya. Kung malinaw mong nakikita na sila ay mga tao na hindi talaga nagmamahal sa katotohanan at ayaw man lang na magtrabaho, dapat silang hikayating umalis. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay na hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi kailanman inaaral ang mga himno, hindi kailanman nakikinig sa mga sermon, at hindi kailanman nagbabahagi ng katotohanan o nagsasalita ng tungkol sa pagkilala sa sarili nila. Hindi rin nila gustong makinig sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Hindi sila kailanman nanonood ng mga pelikula o mga bidyo ng himno o mga bidyo ng patotoong batay sa karanasan na ginawa ng sambahayan ng Diyos, at kahit gawin pa nila ito, para lang ito maglibang o dahil sa pagkamausisa, sa ganitong kaso nanonood lang sila nang kaunti nang may pag-aatubili; at ganap na hindi ito dahil sa anumang pagpapahalaga sa pasaning kaugnay sa sarili nilang buhay pagpasok, kundi nanonood lang para sa kasiyahan at katuwaan nito. Saan nila ginugugol ang karamihan ng oras nila? Pakikipag-usap, pakikipag-tsismisan, o pagpunta online para tumingin sa mga bagay-bagay na gusto nila. Halimbawa, may ilan sa kanilang mahilig sa stock market at palaging sinusuri ang mga kalakaran sa stock online; may ilang mahilig sa mga sasakyan o elektronikong produkto at palaging tumitingin online para makita kung aling mga tatak ang naglabas ng bagong modelo o nag-debelop ng bagong teknolohiya; may ibang mahilig manood ng mga ulat ng balita online na gawa ng self-media; at may ilan ding mahilig sa kagandahan, makeup, o pangangalaga sa kalusugan at madalas pumupunta online para magbasa ng mga bagay-bagay tungkol sa kagandahan, pangangalaga sa kalusugan, o mga paraan para mapanatili ang mabuting kalusugan at magkamit ng mahabang buhay. Ang mga taong ito ay walang anumang interes sa iba’t ibang katotohanang kailangang pasukin ng mga mananampalataya para maligtas, o sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Bukod sa may pag-aatubiling paggawa ng kaunting tungkulin, palagi silang nakatuon sa nagbabagong sitwasyon ng walang pananampalatayang mundo, at kung ano ang mga bagong uso at mahahalagang balitang mayroon sa mundo, at mga kaganapan sa sarili nilang bansa, at iba pang bagay. Tinitingnan lang nila ang ganitong uri ng impormasyon. Dahil palagi silang nakatingin sa ganitong mga bagay, napupuno ang puso nila ng gayong mga usapin lang, ganap nilang binabalewala ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan bilang mga mananampalataya ng Diyos. Sinuman ang nakikipagbahaginan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap. Hindi sila interesado o nagmamalasakit tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, tulad ng kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin sa paggawa ng tungkulin nila, kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag nila at anong mga problema ang umiiral habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at alin sa iba’t ibang kinakailangan ng Diyos para sa tao ang natugunan na nila at hindi pa nila natutugunan. Bagaman ginagawa nila ang tungkulin nila, nagpapabasta-basta lang sila, hinding-hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Bagaman sinasabi ng gayong mga tao na mga mananampalataya sila ng Diyos, ang panloob na gusto nila at pinagtutuunan ay ang pera, katayuan, at mga uso ng walang pananampalatayang mundo, at gusto nilang makihalubilo sa mga sumusunod sa mga uso ng walang pananampalatayang mundo. Kapag pinag-uusapan ang mga usapin ng walang pananampalatayang mundo, ginagawa nila ito nang may malaking kasiglahan at kawalang kapaguran, mahusay na nagsasalita, paulit-ulit na nagsasalita tungkol dito, pero kapag nakakasama nila iyong mga mahilig makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, wala silang masabi. Kapag sinabi ng isang kapatid, “May himnong sa sobrang ganda, naisaulo ko na ang lahat ng titik,” mababaw nilang sinasabi, “Nasaulo mo na ito. Ang galing naman.” Kapag sinabi ng isang kapatid, “Napakaganda ng patotoong batay sa karanasan ni Sister Ganito-at-Ganyan!” sasagot sila, “Masyado nang maraming bidyo ng patotoong batay sa karanasan ngayon, alin ba roon ang hindi maganda? Napakagaganda ng lahat ng iyon.” Sa ganoon kababang paraan lang ang sila sumasagot; sa katunayan, wala silang interes sa katotohanan at wala silang pinagsasaluhang lengguwahe sa mga kapatid. Kapag may nagtatanong sa kanila, “Nagdarasal ka ba kapag nahaharap sa mga sitwasyon?” sumasagot sila, “Paano magdasal? Magdasal tungkol saan?” Hindi sila nagdarasal, ni wala silang anumang masabi sa Diyos. Ang mga taong ito ay walang interes sa anumang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, at ang puso nila ay puno ng iba’t ibang bagay mula sa walang pananampalatayang mundo. Ano sa palagay ninyo—may problema ba ang gayong mga tao? (Oo.) Kung nakikita mong palagi silang walang sigla sa paggawa ng kanilang tungkulin, at kapag itinalaga sa anumang gawain, nagiging mainipin sila, nagrereklamo sa sandaling nagdusa sila ng kaunting paghihirap, at pagkatapos ng ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, madalas silang nagbubunyag ng mga kaisipang katulad ng: “Nalugi ako sa pananampalataya sa diyos. Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, tumaas na sana sa ngayon ang suweldo ko nang ganito-at-ganyang kalaki, at nagtatamasa na sana ako ng ganito-at-ganyang katayuan, at sa ganito-at-ganyang marangyang paraan ng pamumuhay,” paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang hikayating umalis.) Hikayatin lang na umalis ang gayong mga tao at huwag na sila hayaang gumawa ng anumang tungkulin, dahil ayaw nila kahit man lang ang magtrabaho. Iniisip nilang matitiis ang simpleng pagdalo sa mga pagtitipon bilang mananampalataya, pero ang paggawa ng tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay humahadlang sa mga dakilang gawain nila. Pakiramdam nila na ang paggawa ng tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay isang malaking balakid sa paghahangad nila ng kaligayahan. Naniniwala sila na kung hindi nila ginagawa ang tungkulin nila, matagal na sana silang umangat sa iba, nagiging isang mataas na opisyal na o kaya at kumikita ng maraming pera sa mundo. Kaya bakit natin sila pipigilan? Kaya, ang panghihikayat sa kanilang umalis ay makabubuti para sa lahat. Ang pamumuwersa sa kanila o pagsisikap na kumbinsihin silang manatili ay magiging isang malaking pagkakamali. Dapat ninyong hikayatin ang gayong mga tao nang ganito: “Bakit ka nagpasiyang manampalataya sa Diyos? Kailanman ba ay makakamit mo ang katotohanan kung hindi ka interesado sa katotohanan at kung palagi kang puno ng mga pagdududa sa Diyos? Ikaw ay isang tao na may mga ideya, diploma, at talento—kung masigasig kang magsisikap sa mundo, tiyak na maaari kang maging isang presidente o CEO ng isang kumpanya, o maging isang milyonaryo o bilyonaryo. Sa simpleng pagpapaanod nang ganito sa sambahayan ng Diyos, una sa lahat, hindi ka makaaangat sa iba; pangalawa, hindi ka makapagkakamit ng malaking tagumpay; at panghuli, hindi ka makapagdadala ng karangalan sa iyong mga ninuno. Bukod pa rito, kapag ginagawa ang iyong tungkulin, palagi kang pabasta-basta, na nagdudulot sa iyong mapungusan, iniiwan kang nanlulumo sa lahat ng oras. Bakit mo titiisin ang ganitong pagdurusa? Dapat kang pumunta sa mundo, sa politika man o negosyo, at tiyak na magkakamit ka ng partikular na antas ng tagumpay para sa sarili mo. Iba ka sa amin: Mayroon kang parehong diploma at talento, at isa kang marangal na indibidwal—hindi ba’t hindi karapat-dapat sa iyo na manampalataya sa Diyos kasama naming mga karaniwang tao? Gaya ng madalas sabihin ng mga walang pananampalataya, ‘Ang mundo ay puno ng oportunidad para sa iyo’—dapat samantalahin mo ang katunayang may panahon pang natitira sa mundo para maghangad ng kaunting katanyagan, pakinabang, at katayuan habang may pagkakataon ka pa. Huwag kang magkasala sa sarili mo sa pamamagitan ng pananatili dito.” Angkop na paraan ba ito para hikayatin sila? Medyo maingat ang pagkakasabi, hindi ba? (Oo.) Hindi ito nakasasakit sa kanila, at pagsasabi rin ito ng gusto nilang marinig. Sa tingin ko ay angkop ang ganitong pamamaraan, ginagawa nitong madali para sa kanila na tanggapin ang payo, at buong-loob silang makaaalis nang walang anumang alalahanin. Kapag pinangangasiwaan ang mga ganitong uri ng tao, kung nakatitiyak kang mga hindi mananampalataya sila, at nakikita mong wala talaga silang anumang sigasig para sa pananampalataya sa Diyos, na hindi sila kailanman taos-puso sa paggawa ng tungkulin nila, at na wala sila kailanman nagkamit na anumang buhay pagpasok—ni sa malamang ay hindi pa rin nila ito makakamit sa hinaharap—dapat silang hikayating umalis. Kung hindi mo sila hihikayating umalis, palagi silang magkakaroon ng isang pabasta-basta at maligamgam na saloobin sa paggawa ng tungkulin nila, at maaaring dumating ang panahon na magdudulot sila ng isang malaking sakuna.

K. Pagiging Duwag at Mapaghinala

Natapos na nating pagbahaginan ang ikasampung pagpapamalas—pag-aalinlangan. Ngayon, tingnan naman natin ang ikalabing-isang pagpapamalas—ang pagiging duwag at mapaghinala. Ano ang mga pagpapamalas ng mga duwag na tao? (Natatakot ang mga duwag na tao kapag nahaharap sa pag-aresto at pag-uusig. Gusto nilang gawin ang kanilang tungkulin pero hindi sila naglalakas-loob.) Isa lang iyong maliit na aspekto. Ang pangunahing isyu ay na mayroon silang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos: Pakiramdam nila palagi na parang hindi nababagay sa mundong ito ang mga mananampalataya sa Diyos; pakiramdam nila na kahiya-hiya ang pananampalataya nila sa Diyos. Lalo na sa ilang awtoritaryang bansa o bansang walang kalayaang panrelihiyon, kung saan hindi lang sa hindi pinoprotektahan ng batas ang mga mananampalataya ng Diyos kundi isinasailalim din sa pag-uusig, may ilang tao na hindi naglalakas-loob na aminin na nananampalataya sa Diyos at natatakot na malaman ito ng iba. Pakiramdam nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang bagay na tapat at marangal. Bagaman alam nilang nananampalataya sila sa tunay na Diyos, wala silang nararamdamang anumang anumang dangal dito, ni wala silang kumpiyansa. Kapag may anumang palatandaan ng problema o kapag nakita nilang inaaresto, inuusig, inaapi, at itinatakwil ng pamahalaan ang mga mananampalataya, lalo silang nag-aalala na baka madamay sila. Sa gayong mga sitwasyon, may ilang tao na mabilis na inihihiwalay ang sarili nila sa iglesia, nagmamadaling pa ngang ibalik ang mga aklat sa sambahayan ng Diyos. Ang iba naman, dahil ng takot na maaresto, ay hindi na naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na rin naglalakas-loob na batiin ang mga kapatid kapag nagkikita sila. Lalo na sa iyong mga medyo kilala sa pananampalataya nila o dati nang naaresto, mas lalong hindi sila naglalakas-loob na makipag-ugnayan sa mga taong ito—ganito katindi ang karuwagan nila. Mas malala pa, pagkarinig na nagpasimula ang pamahalaan ng malawakang pag-aresto, nagmamadali silang pumunta sa mga awtoridad para maagap na aminin na dati silang nanampalataya sa Diyos at alam kung sino-sino ang nananampalataya, maagap na inilalaglag ang iba, at isinusuko ang mga aklat ng salita ng Diyos at iba pang materyales kaugnay ng pananampalataya sa Diyos kapalit ng kapatawaran, na may nag-iisang pakay ng pagpapanatili ng sarili. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng pagiging duwag? (Oo.) Lalo na ang ilang tao, matapos manampalataya sa Diyos, ay palaging natatakot na malaman ng iba ang tungkol sa pananalig nila, at mas natatakot sila na kung may sinumang maaresto, ilalaglag sila. Sa sandaling may sinumang makaalam na nananampalataya sila sa Diyos, nagmamadali silang ipaliwanag na hindi na sila nananampalataya, nagmamadali pa ngang gumawa ng mga bagay-bagay para patigilin ang mga walang pananampalataya sa pagdududa sa kanila ng pagiging isang mananampalataya. Halimbawa, nagtataguyod sila ng mga koneksiyon sa mga walang pananampalataya, kumakain, nagpa-party, nagsusugal, umiinom ng alak nang magkasama, at iba pa. Sa kaunting senyales ng panganib, hindi na sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na ginagawa ang tungkulin nila, binabalewala ang sinumang sumusubok na makipag-ugnayan sa kanila. Kapag payapa ang lahat, iniisip nila kung paano ang pananampalataya sa Diyos ay nagdadala ng mga pagpapala, pinahihintulutan ang isang taong makaiwas sa kamatayan, at pinahihintulutan ang isang taong makapunta sa langit at magkaroon ng isang mabuting destinasyon—puno sila ng sigla sa pananampalataya sa Diyos noong panahong iyon. Pero sa sandaling nahaharap sila sa isang medyo mapanganib na sitwasyon, bigla silang nawawala na parang bula. Pagkatapos, kapag lumipas na ang problema at tahimik na muli ang mga bagay-bagay, bumabalik sila. Ang ganitong uri ng tao ay madalas nawawala na parang bula. Gaano pa kahalaga ang tungkuling itinalaga sa kanila, sa sandaling lumitaw ang kaunting panganib, kaya nilang kaagad na iwan ang gawain nila nang hindi gumagwa ng anumang pagsasaayos para sa pagpapatuloy nito, at walang sinuman ang makakontak sa kanila pagkatapos. Ang ibang tao, kapag parehong nahaharap sa mapanganib na kalagayan, ay nag-iisip ng iba’t ibang paraan para maayos na pangasiwaan ang mga pangyayari. Kung ang kasalukuyang sitwasyon ay masyadong mapanlaban at ang panganib ng pagkakaaresto ay mataas, naghihintay sila hanggang humupa ang panganib bago ipagpatuloy ang gawain. O, kung masyado silang kilala bilang mga mananampalataya at puwedeng madaling maaresto kung magpapakita sila para gumawa ng gawain, isinasaayos nila na ang iba ang gumawa nito. Pero kapag nakaramdam ng kahit kaunting problema ang mga duwag na tao na ito, nagmamadali silang magtago, nagkukumahog na lumayo sa panganib at iligtas ang sarili, ganap na binabalewala at hindi iniintindi ang gawain at ari-arian ng iglesia, hindi gumagawa ng anumang pagsisikap para protektahan ang gawain ng iglesia o ang mga kapatid. Ano ang pinaka-ikinatatakot nila sa pananampalataya nila sa Diyos? Una, takot silang malaman ng pamahalaan ang tungkol sa pananampalataya nila. Pangalawa, takot silang malaman ito ng mga kapitbahay nila. Pangatlo, ang pinakakinatatakutan nila ay ang maaresto at makulong, o mapatay sa bugbog. Kaya, sa tuwing may nangyayari, ang una nilang iniisip ay kung posible ba silang maaresto o mapatay. Kung may kahit 1% lang ang posibilidad na mangyari ang alinman sa dalawa, iisip sila ng paraan para makatakas. Halimbawa, sa isang pagtitipon, puwedeng sabihin ng isang kapatid, “Habang papunta ako rito, may nakita akong isang taong hindi pamilyar sa malapit. Posible kayang isa siyang walang pananampalataya na nagmamasid sa atin?” Pagkarinig pa lang sa isang komentong ito, hindi na dumadalo ang mga duwag na tao sa susunod na pagtitipon at pinuputol na ang pakikipag-ugnayan nila sa lahat. Matatawag mo ba itong pagiging maingat? (Hindi ito normal na pag-iingat, karuwagan ito—walang lugar para sa Diyos sa puso nila.) Ito ay pag-iingat na dinala sa sukdulan. Sa mga bansa o rehiyon kung saan partikular na mapanganib ang kapaligiran, totoo na dapat mag-ingat ang mga mananampalataya, pero hindi ibig sabihin niyon na dapat nilang itigil ang tungkulin o pagtitipon nila dahil sa takot na maaresto, nagiging sobrang ingat na wala nang lugar para sa Diyos sa puso nila. Ano ang prinsipyo ng mga duwag na tao sa pagiging maingat? Anuman ang mangyari—malaki o maliit—hindi talaga sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa kamay ng Diyos. Iniisip nila na walang sinuman ang maaasahan, at umaasa lang sila sa sarili para protektahan ang kanilang sarili. Ito ang prinsipyo nila. Hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa kamay ng Diyos; na ang lahat ay pinapatnugutan at isinasaayos ng Diyos; na kung mayroon talagang mangyayaring isang bagay, pinahintulutan ito ng Diyos, at kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, walang sinuman ang maaaresto. Ganap na wala silang pananalig pagdating dito. Sa halip, puno lang ng karuwagan ang kanilang puso. Bukod pa rito, may isang malubhang kahinaan sa kanilang karuwagan, at ito rin ang pinakakasuklam-suklam na bagay tungkol sa kanila: Para protektahan ang sarili nila at harapin ang anumang sitwasyon na nagdudulot sa kanila ng takot, sinusunod nila ang itinuturing nilang “supremong karunungan,” na anuman ang mangyari—subaybayan o arestuhin at ikulong man sila—kapag may nangyaring mali at nanganib ang kaligtasan nila, una, itinatanggi nilang nananampalataya sila sa Diyos, at pangalawa, ipinagkakanulo nila ang lahat ng nalalaman nila nang walang itinatago. Bakit nila ginagawa ito? Para lang protektahan ang sarili nila mula sa pisikal na pagdurusa; kaya, isinisiwalat nila ang anumang nalalaman nila. Una, pinagtataksilan nila ang mga lider ng iglesia, at isinisiwalat din kung sino ang mga lider ng distrito at mga lider ng rehiyon at kung saan sila nakatira, isinisiwalat ang lahat ng nalalaman nila. Ipinagkakanulo nila ang lahat, kahit bago pa sila pahirapan. Bukod pa rito, kapag sinabihang pumirma sa “Tatlong Liham,” kaagad silang pumipirma nang hindi man lang pinag-iisipan ang tungkol dito—matagal na silang handa para dito. Ito ay para makaiwas sila sa pagkakakulong, makaiwas sa pagpapahirap, at makalayo sa anumang panganib ng kamatayan. Sobrang duwag nila. Hindi sila nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni hindi nila kayang isugal ang buhay nila. Sa halip, iniisip nila ang lahat ng posibleng paraan para protektahan ang sarili nila. Para sa kanila, ang pinakamahusay na paraan ay ang pagtaksilan ang iba at ang iglesia—ito ang pinakamabisang paraan. Ginagamit nila ang pagkakanulo sa iba bilang kapalit para matiyak ang sarili nilang kaligtasan at maiwasan ang anumang pagdurusa. Matagal na nila itong pinlano—ito ang kanilang “supremong karunungan.” Sabihin mo sa Akin, normal na karuwagan ba ang karuwagan ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang isyu rito? (Sobrang duwag nila na nagiging mga Hudas sila, handang pagtaksilan ang mga kapatid at ang iglesia anumang oras at saanman. Ang gayong mga tao ay mga hindi tunay na mananampalataya.) Isantabi muna natin sa ngayon kung sila ba ay mga tunay na mananampalataya o mga huwad na mananampalataya. Tingnan na lang ang pagkatao nila—iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na pailalim at kahiya-hiya, sa halip na isang tapat at marangal na bagay, at tinitingnan nila ang pananampalataya sa Diyos, isang bagay na tapat, marangal, at positibo, bilang isang negatibong bagay—anong uri ng mga tao sa palagay mo sila? (Mga tao na magulo ang isip, na medyo buktot.) Ang perspektiba nila at paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay ay iba sa normal na mga tao. Minsan, kaya pa nga nilang tawaging itim ang puti, hindi magawang pag-ibahin ang tama sa mali. Paano posibleng maging sadyang pailalim ang mga mananampalataya ng Diyos? Ito ay dahil masyadong masama ang mundong ito—hindi pinoprotektahan ng batas ang kalayaan sa relihiyon, at higit pa rito, galit ang satanikong rehimen sa Diyos at itinuturing ang gawain ng Diyos nang may pagkamapanlaban. Hindi nito pinahihintulutang umiral ang mga positibong bagay at ginagawa ang lahat para usigin iyong mga nananampalataya sa Diyos. Kaya, sa ilalim ng ganitong mga kalagayang panlipunan, walang magawa ang mga mananampalataya kundi mag-ingat tuwing nagtitipon at gumagawa ng tungkulin nila; hindi sila naglalakas-loob na gawin ito nang hayagan. Mula sa labas, puwedeng mukhang pailalim sila na parang mga magnanakaw, pero sa katunayan, ito ay ganap na dahil lang sa konteksto ng pag-uusig, tama ba? (Oo.) Kung gayon, paano inilalarawan ng malaking pulang dragon ang mga akto ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ng isang tao? Bilang “kahina-hinalang pag-uugali.” Kahina-hinalang pag-uugali bai to? (Hindi.) Hindi ito kahina-hinalang pag-uugali—ito ay isang bagay na ginagawa ng tao dahil wala silang ibang pagpipilian. May ginawa bang ilegal ang mga taong ito? (Wala.) Wala silang ginawang anumang ilegal o laban sa pamahalaan, lalong hindi sila lumabag sa batas o nanggulo sa pampublikong kaayusan. Ano ang pinagagagawa ng mga taong ito? Ginagawa lang nila ang tungkulin ng mga nilikha. Ang gawaing ito ay ang pinakamahalaga, pinakamakabuluhan, at pinakamakatarungan sa mundo. Pero dahil masama at madilim ang mundong ito at ipinahahayag na itim ang puti, tinatawag nitong “kahina-hinala” ang pinakamakatarungan, pinakamahalaga, at pinakamakabuluhang gawain. Ito ang interpretasyon ni Satanas. Ang interpretasyon ba ni Satanas ang katotohanan? Positibo ba ito? (Hindi.) Tiyak na hindi ito positibo. Pero kapag naririnig ng mga duwag na tao ang interpretasyong ito, hindi lang nila lubos na sinasang-ayunan ito sa kanilang puso, kundi tinatanggap din nila ang interpretasyong ito mula kay Satanas. Bilang resulta, iniisip din nila na ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin nila nang palihim ay hindi tama at tiyak na mali. Palagi silang natatakot na balang araw, sila rin ay pahihirapan ng lipunan at ng pamahalaan, na hindi magawang ipagtanggol ang sarili nila at walang sinumang tutulong o magliligtas sa kanila. Kaya, lalo silang natatakot na malaman ng mga tao ang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos. Hindi nila kinikilala sa puso nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, o na ang landas kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao na maglakad ay ang tamang landas, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi ba’t magkasalungat ito? Sa huli, pakiramdam nila ay labis silang naagrabyado dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at pagdurusa ng mga paghihirap na ito sa ganitong kapaligiran. Bakit pakiramdam nila ay naagrabyado sila? Dahil labis silang natatakot sa masamang rehimen sa mundong ito at sa masasamang puwersa ng mga diyablo at Satanas, at palagi silang natatakot na pahihirapan sila at papatayin sila ng mga diyablo at Satanas. Dahil wala silang tunay na pananalig sa Diyos, umaasta sila nang sobrang duwag, hanggang sa punto na hindi na talaga nila ginagawa ang tungkulin nila. Kapag ganap na walang panganib, dadalo sila sa mga pagtitipon o makikipag-ugnayan sa mga kapatid, o gagawa ng ilang bagay para sa iglesia, pero hindi sila naglalakas-loob na aminin na nananampalataya sila sa Diyos, na bahagi sila ng iglesia, o manindigan para magpatotoo sa Diyos o gawin ang tungkulin nila—labis silang natatakot. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala at isang mabuting destinasyon mula sa Diyos. Masasabi mo bang magkasalungat iyon? (Oo.) Hindi ba’t ang pokus nila sa kanilang pansariling interes ang nagpalabo sa isipan nila? (Oo.) Nilamon ang mga taong ito ng kasakiman para sa pansariling pakinabang. Hindi sila nananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi sila naniniwala na ang gawain ng iglesia at ang tungkulin ng mga kapatid ay makatarungan, mahalaga, at makabuluhan. Lalo silang natatakot sa paggawa ng mahahalagang tungkulin, o na madalas silang uutusan ng mga lider at manggagawa na umalis para pangasiwaan ang mga usapin, natatakot na kapag may nangyaring mali, madadamay sila. Ang mga duwag na taong ito, kapag nahaharap sa panganib, ay puwedeng maging mga Hudas at pagtaksilan ang iglesia—isang uri din ito ng mapanganib na indibidwal.

Ano ang iba pang mga pagpapamalas mayroon ang mga duwag na tao? Kayang ipagkaila at itanggi ng mga taong ito ang pangalan ng Diyos anumang oras, ipagkanulo ang Diyos anumang oras, at maging mga Hudas anumang oras. Ang mga duwag na tao ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit—hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Ano ang nakamamatay na kahinaan ng mga duwag na tao? (Takot sila sa kamatayan at kaya nilang magkanulo.) Ang mga taong ito ay walang dangal na nagpapaagos sa daloy ng buhay, pinag-iimbutan ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan. Ang takot sa kamatayan ang pinakanakamamatay nilang kahinaan. Basta’t hindi nila ikamamatay, handa silang gawin ang anumang bagay—kahit ito ay maging isang Hudas, maging anak ng pagkawasak, o sumpain—handa nilang gawin ang anuman, basta’t maaari silang mabuhay. Ang mabuhay ang pinakamataas nilang layon. Gaano mo man ibahagi na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos; na kinokontrol ng, may kataas-taasang kapangyarihan ang, at pinapatnugutan ng Diyos ang kapalaran ng mga tao; at na dapat magpasakop ang mga tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi nila pinaniniwalaan o tinatanggap ang mga salitang ito. Iniisip lang nila na isang bihirang pagkakataon ang maipanganak muli bilang isang tao, kaya’t hinding-hindi sila maaaring mamatay; iniisip din nila na kapag namatay sila at nasawi ang kanilang laman, ang kaluluwa nila ay maaaring ipanganak muli bilang isang hayop o maging isang ligaw na kaluluwa, at hindi kailanman magkakaroon muli ng pagkakataong maipanganak muli bilang isang tao. Kaya, lalo silang natatakot sa kamatayan. Para sa kanila, ang kamatayan ay isang malaking kapahamakan, hindi isang magandang pagkakataon para sa susunod na muling reinkarnasyon, ni isang bagong simula para sa panibagong buhay. Kaya, ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang buhay nila. Kahit ibig sabihin nitong pagtataksilan ang iba o magdudulot ng anumang pinsala sa gawain ng iglesia, hindi sila magdadalawang-isip na gawin ito; at kahit ibig sabihin pa nitong tatalikuran ang ngalan ng Diyos, wala silang pakialam sa mga kahihinatnan—ang mahalaga lang sa kanila ay ang mabuhay nang ligtas. Anong uri ng tao ang mga ito? (Mga taong pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral.) Mga hamak sila na pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral! Nabubuhay sila nang walang dignidad o integridad, handang gawin ang anumang bagay para lang manatiling buhay, umaasal nang masahol pa sa masahol. May ilang tao na kinalkula na sa puso nila kung ano ang gagawin sakaling humarap sa isang mapanganib na sitwasyon: “Kung inaresto ako, magsasalita na lang ako. Kapag pinahihirapan, binabantaan, at tinatakot kayo ng malaking pulang dragon, pinupuwersa kayong magtaksil sa iglesia, tumatanggi kayong lahat magsabi ng kahit isang salita. Puwes, hindi ako kasing hangal ninyo, na mas pinipiling magtiis ng pisikal na sakit kaysa magsalita. Magsasalita ako pa bago pa man bugbugin o takutin—tingnan ninyo kung gaano ako katalino! Ayon nga sa kasabihan, ‘Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon.’ Ano bang napakasama sa pagtataksil sa mga kapatid sa iglesia? Dapat maging makasarili ang lahat, tama? Hindi ba’t kahangalan na hindi alagaan ang sarili?” Bago pa man mangyari ang anuman, napagplanuhan na nila kung paano poprotektahan ang sarili nila. Napag-isipan na nila itong lahat matagal na. Ano ang paniniwala nila kung paano umasal? “Bakit dapat pahirapan ng tao ang buhay para sa sarili niya? Bakit maging matigas ang ulo? Sa pagiging mabuti lang sa sarili mo, hindi masasayang ang buhay na ito!” Ito ang panuntunan nila sa pag-asal. Wala silang moral na limitasyon. Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa mga ganitong tao? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang paalisin nang may karunungan—mga sasabog na bomba sila.) Tama, mga sasabog na bomba sila. Lubos silang duwag, at kapag dumarating ang panganib, pagtataksilan nila ang iglesia. Kung ang isang tao ay may normal na pagkatao, gagamitin niya ang matatalinong pamamaraan para tugunan ang mapapanganib na mga sitwasyon, at magkakaroon sila ng tunay na pananalig sa Diyos. Hindi nila hahayaang mahadlangan ang pagdalo sa pagtitipon o paggawa ng kanilang tungkulin, at gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para igugol ang sarili nila sa Diyos batay sa kanilang tayog at mga kalagayan. Ito ang pagbubunyag ng normal na pagkatao. Pero partikular na pinahahalagahan ng mga duwag na tao ang buhay nila; pinag-iimbutan nila ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan, pinahahalagahan ang buhay nila nang higit sa lahat ng iba pa. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos at hindi nila kayang makita na ang Diyos ay kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kaya, kapag naharap sa pag-uusig, natural silang nabubunyag bilang mga duwag na tao. Ang mga duwag na tao, para protektahan ang sarili nila, ay kayang maging mga Hudas. Ang gayong mga tao ay mapapanganib na elemento, mga nakatatakot na indibidwal sila. Hinding-hindi sila dapat italaga ng iglesia sa anumang gawain o pahintulutan silang gumawa ng anumang tungkulin. Kung hindi, kapag nagkanulo sila, ang pinsala sa gawain ng iglesia ay magiging napakalaki; magdudulot ito ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan.

Paano naipamamalas ang pagiging mapaghinala ng mga taong duwag at mapaghinala? May ilang tao na hindi kailanman malinaw na nakikita ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung ano nga ba talaga ang gawaing ginagawa ng Diyos, o kung katotohanan ang mga salitang binibigkas ng Diyos. Wala silang tamang pagkaarok o pananaw sa mga usaping ito, kaya hindi nila makumpirma kung ano ba talaga ang ginagawa sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung anong mga resulta ang nilalayong makamit ng gawaing ito, o kung ito ba ay para sa pakay ng pagliligtas sa mga tao. Hindi nila malinaw na nakikita ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi rin malinaw sa kanila ang tungkol sa kung ano ang iglesia. Gaano karami man ang mga sermong naririnig nila, hindi nila nauunawaan kahit kaunti ng katotohanan. Palagi silang may mga pagdududa tungkol sa mga kapatid na gumagawa ng mga tungkulin nila, iniisip sa sarili nilang, “Ang mga taong ito ay palaging abala, araw-araw na umaalis at bumabalik—ano ba talaga ang ginagawa nila?” Partikular sa konteksto ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin sa bansa ng malaking pulang dragon, ang mga lider at manggagawa ay nagbabahaginan at nagtatalakayan tungkol sa partikular na mga aytem ng gawain ng iglesia—gaya ng gawaing pang-administratibo, gawain sa tauhan, mga pangkalahatang gawain, at lalo ang ilang gawain na may kinalaman sa pagtanggap ng mga panganib—nang hindi ipinaaalam sa mga karaniwang kapatid ang tungkol sa mga bagay na ito. Pinoprotektahan nito sila, hindi sila nito pinipinsala. Gayumpaman, may ilang tao na hindi ito nauunawaan at palaging gustong magtanong-tanong tungkol sa mga bagay na ito. Halimbawa, nagtatanong sila tungkol sa kung saan iniimprenta ang mga aklat o kung saan hino-host ang partikular na mga lider at manggagawa. Ang pag-alam ba sa mga bagay na ito ay magiging kapaki-pakinabang ba para sa iyo? (Hindi.) May mawawala ba sa iyong anuman sa hindi pag-alam sa mga bagay na ito? (Wala.) Ang hindi pag-alam sa mga bagay na ito ay hindi nakaaapekto sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, hindi ito nakaaapekto sa iyong pagkakamit ng katotohanan, at tiyak na hindi nito hinahadlangan ang iyong buhay pagpasok o ang pagbabago ng iyong disposisyon. Kaya, hindi ba’t walang pangangailangan para sa iyo na magtanong tungkol sa at alamin ang mga usaping ito? May ilang tao na nagho-host ang palaging mapaghinala. Kapag hindi ipinaaalam sa kanila ng mga lider at manggagawa ang pagbabahaginan at talakayan ng mga ito tungkol sa gawain ng iglesia, iniisip nilang, “Bakit palaging nagtitipon at nagbabahaginan ang mga lider at manggagawa nang hindi ko nalalaman? Ano ang pinagagagawa nila?” Hindi sa kanila ipinaaalam ang personal na impormasyon ng ilang lider at manggagawa, at nagsisimula silang magtaka, “Bakit hindi nila ipinaaalam ito sa akin? Hindi ko alam ang mga pangalan nila, kung saan sila nakatira, o kung ano ang aktuwal na sitwasyon nila. Maaari kaya nila akong linlangin o saktan habang inaakay nila ako sa aking pananampalataya sa Diyos?” Mayroon ding ilang sensitibong uri ng gawain, gaya ng gawaing may kinalaman sa mga handog o ilang mapanganib na gawain—ito ang mga bagay na hindi dapat itanong sa simula pa lang, pero ang mga taong ito ay palaging gustong magtanong tungkol sa mga ito. Kapag hindi sila sinasagot ng iba, lalo silang nagiging mapaghinala. Sa partikular, may ilang tao na sa simula pa lang ay hinding-hindi naman talaga nagkaroon ng matibay na pananalig sa Diyos—pagkatapos manampalataya sa Diyos, nakikita nilang gumaganda ang takbo ng negosyo ng pamilya nila at malusog ang pamilya nila, at iniisip nilang ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos. Dahil sa panandaliang kaligayahang ito, nag-aalay sila ng kaunting pera, pero pagkatapos ay nagsisimulang magtaka, “Saan ginamit ang perang inialay ko? Ginamit ba ito para sa gawain ng iglesia? Ipinuhunan ba ito sa negosyo o ginamit sa mga ilegal na gawain?” Palagi nilang gustong magtanong at malaman ang tungkol sa mga bagay na ito, at palaging gustong malaman ang pinakaugat ng mga bagay na ito. Mas malala pa ang pagdududa ng ilang tao. Halimbawa, kapag bumibili ang iglesia ng ilang kagamitan o aparato dahil sa mga pangangailangan ng gawain, o kapag nagkakaloob ito ng kaunting pag-aalaga at tulong para sa pang-araw-araw na buhay niyong mga gumagawa ng tungkulin nila, ang ganitong uri ng mapaghinalang tao ay palaging naghihinala, “Ginagastos ang pera sa napakaraming iba’t ibang larangan—saan ito nanggagaling? Gumagawa rin ba ang iglesia ng ilang uri ng negosyo? Mayroon ba itong isang mayamang patron o isang uri ng makapangyarihang tagasuporta sa likod ng mga eksena? May ilang grupo ba na sumusuporta sa iglesia?” Lalo kapag nalalantad sila sa ilang walang basehang tsismis at mga maladiyablong salita mula sa mga awtoridad na naninirang-puri sa iglesia—mga pahayag tulad ng si Ganito-at-ganyan mula sa iglesia ay pumatay ng tao at lumabag sa batas, Si Ganito-at-ganyang tao ay isang kriminal na hinahanap ng estado, Si ganito-at-ganyan ay tumakas sa ibang bansa dala ang malaking halaga ng pera, at iba pa—lalo pang lumalakas ang pagdududa nila sa iglesia at sa gawain ng Diyos. May normal na pag-iisip ba ang gayong mga tao? Nakikita ba nila nang malinaw ang mga prinsipyo na dapat sundin ng mga mananampalataya? Para sa karamihan, kapag nakatitiyak silang ito ang gawain ng Diyos, wala na silang pagdududa tungkol sa Diyos. Anuman ang mga problema o anumang uri ng mga tao ang nagpapakita sa iglesia, nagagawa nilang harapin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kahit pa magdulot ng mga kaguluhan ang masasamang tao o mga anticristo, maaarok nila ito nang tama. Hindi sila kailanman nagkaroon ng mga pagdududa tungkol sa Diyos o sa gawain ng Diyos, o tungkol sa iglesia at sambahayan ng Diyos. Sa pinakamalala, maaaring magkaroon sila ng mga opinyon tungkol sa partikular na mga indibidwal o ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, pero nagagawa nilang unti-unting lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay-iglesia. Pero iba ang mga mapaghinalang tao. Mula pa sa pinakasimula ng pananampalataya nila sa Diyos, mayroon silang mga pagdududa at lahat ng uri ng kuru-kuro. Hindi sila tiyak kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, hindi tiyak kung ang pagpapahayag ng Diyos ng mga salitang ito ay gawain ng Diyos, at lalong hindi tiyak kung ang pagtitipon magkakasama ng mga kapatid ay iglesia ng Diyos. Patuloy silang nagkikimkim ng mga pagdududa, at palaging naghahanap ng mga kongkretong ebidensiya para mapatunayang tama ang mga hinala nila. Anong uri ng saloobin ito? Sa tingin ninyo ba ang mga taong may ganitong uri ng saloobin ay makauunawa ng katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos? (Hindi.) Hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan. Ano ang pinakapinagtutuunan nila sa puso nila? Palagi nilang iniisip, “Sino ba ang mga taong ito? Isa ba itong uri ng samahang panlipunan? Bagaman ang sambahayan ng Diyos ang sumasagot sa mga gastusin sa pamumuhay ng mga taong ito habang hino-host ko sila, ako pa rin ang nalalagay sa panganib sa pagiging host nila. Kaya, maaalala kaya ng diyos ang aking mabubuting gawa? Kung hindi maaalala ang mga ito ng diyos, hindi ba’t masasayang lang ang pagho-host ko?” Palagi silang may gayong mga pagdududa sa puso nila. Sa tingin mo ba, kusang-loob nilang hino-host ang mga kapatid? (Hindi.) Ginagawa nila ito dahil lang sa isang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, habang puno ng mga pagdududa. Lalo kapag nakaririnig sila ng ilang bagay na hindi nila nakikita nang malinaw at itinuturing nilang negatibo ayon sa kanilang mga kuru-kuro, nadaragdagan ang mga pagdududa sa kanilang puso. Halimbawa, sa mga pagtitipon, maaaring may magbanggit ng mga paksang may kinalaman sa mga pagkilos ng rehimen ng malaking pulang dragon at sa mga pangit na mukha ng mga demonyong hari, o kung minsan ay magbahaginan tungkol sa katotohanang tumatalakay sa paniniil at mga pag-arestong isinasagawa ng malaking pulang dragon, at ang kalikasang diwa ng malaking pulang dragon, at iba pa. Hindi naman talaga kinasasangkutan ng mga paksang ito ang politika—tinutulungan lang ng mga ito ang mga tao na matutunang kilatisin ang malaking pulang dragon at makita nang malinaw ang mukha nito, para matutunan nilang kamuhian at tanggihan ang malaking pulang dragon at hindi na sila mapigil o magapos sa impluwensya ni Satanas. Pero kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang gayong mga paksa, naduduwag sila at natatakot: “Pinag-uusapan ng mga taong ito maging ang politika! Hindi ba’t mga pampolitikang kriminal sila? Hindi ba’t mga kontra-rebolusyonaryo sila? Napakasensitibo ng mga paksang ito! Dali, isara ang mga bintana, ikandado ang tarangkahan, bunutin ang internet at mga linya ng telepono! Kung nakikinig dito ang pamahalaan, baka malagay tayo sa malaking panganib! Siguradong habambuhay na pagkakakulong ang aabutin natin!” Ayaw nilang makinig sa gayong mga paksa at susubukin ang lahat ng paraan para pigilan ang pagbabahaginan para matigil na matalakay sila. Iniisip nila, “Anong uri ba talaga ng gawain ang ginagawa ng mga taong ito? Sinasabing hindi nakikialam ang diyos sa politika ng tao, kaya bakit pinag-uusapan ng mga taong ito ang tungkol sa politika? Hindi ba’t dapat lang na pag-usapan ng mga mananampalataya ang mga usaping tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya sa diyos? Bakit nila tinatalakay ang mga bagay na ito? Hindi ba’t parang naghahanap lang sila ng gulo? Kung gusto nilang pag-usapan ang mga bagay na ito, maaari naman nila itong gawin kahit saan, pero huwag lang dito sa bahay ko. Ayaw kong madamay rito!” Hindi nila makita nang malinaw ang anuman. Kapag naririnig nila ang ilang tsismis na gawa-gawa ng pamahalaan, hindi lang sila nabibigong makilatis ang mga ito, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Kung palagi silang mapaghinala at mapag-alinlangan sa grupo ng mga demonyong nasa kapangyarihan o mga puwersa ng anticristo at sekta ng masasamang espiritu sa relihiyon, makatutulong pa nga talaga iyon para maprotektahan nila ang sarili nila. Pero sa iglesia kung saan gumagawa ang Diyos, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero hindi pa rin nila ito maunawaan at hindi matukoy na ito ang tunay na daan. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng mahabang panahon, at makitang nagsasalita ang Diyos nang marami, nananatiling hindi nalulutas ang pagiging mapaghinala nila, at hindi napuksa ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Malinaw na napakababa ng kakayahan nila, na wala silang anumang kakayahang makaarok, at na hindi sila mga taong naghahangad ng katotohanan. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, hindi sila kailanman nanalig na ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at hindi sila kailanman nanampalataya na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan; lalong hindi sila nanampalataya na ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay ganap na pinangungunahan ng Banal na Espiritu. Bilang resulta, ang lahat ng bagay ay nagpapaduda sa kanila. Halimbawa, kapag nagbabahaginan tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao sa mga pagtitipon, maaari nating pag-usapan ang tungkol sa kung paano nililihis ng mga anticristo ang mga tao; o kung paano hindi ginagawa ng ilang tao ang anumang tunay na gawain sa kabila ng lahat ng kinakain at tinatamasa nila ay ipinagkakaloob gamit ang mga handog ng Diyos, na maituturing na pamumuhay sa suporta ng iglesia; o kung paanong may ilang tao na ninanakaw o winawaldas ang mga handog; o kung paanong may mga partikular na indibidwal sa iglesia na gumagawa ng malalaswang gawain; o kung paanong may ilang tao na gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos habang nangangaral ng ebanghelyo. Tinatalakay natin ang mga usaping ito para magawang matutunan ng mga tao kung paano makilatis ang iba, at sa gayon ay magawa nilang tingnan ang mga tao at usapin ayon sa mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo, makakuha ng mga aral at matuto mula sa mga ito, at maiwasang malinlang o mapigil ng iba. Gayumpaman, kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang mga bagay na ito, sinasabi nilang, “Hay naku! Ito ang sambahayan ng diyos, ang lugar kung saan ginagawa ang gawain ng diyos—paanong nangyayari ang gayong mga bagay rito? Mukhang tama nga ako na maging mapaghinala noon. Kailangan kong maging mas maingat simula ngayon. Masyadong hindi maaasahan ang mga tao, at hindi rin maaasahan ang sambahayan ng Diyos. Maaasahan ba ang diyos, kung gayon? Sino ang nakaaalam—baka hindi rin maaasahan ang diyos.” Kita mo, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ni hindi nila ito kayang arukin. Anuman ang aspekto ng katotohanan na ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos, ano ang palagi nagiging kongklusyon nila sa huli? Na tamang naging mapaghihinala sila sa loob ng maraming taong iyon, at na hindi ito walang kabuluhan. Kung iyong mga taong naghahangad sa katotohanan at may pag-iisip ng normal na pagkatao ay makaririnig ng mga ganitong bagay, kaya nilang tingnan ito nang tama. Sa isang banda, lumalawak ang pananaw nila at nagkakamit sila ng pagkilatis mula sa mga bagay na ito. Sa kabilang banda, makapupulot sila ng mga aral at matututo mula sa mga bagay na ito, mauunawaan na hindi maaaring sundan ng mga tao ang ibang pang mga tao, na kailangan nilang makilatis ang iba at mas maunawaan ang katotohanan, at na maaaring malihis ang sinuman sa anumang oras at sa anumang lugar kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at na kapag naunawaan na niya ang katotohanan at nagkaroon na ng tayog, hindi na siya mapipigilan, malilihis, o makokontrol ng iba. Gayumpaman, ang mga mapaghinalang tao ay hindi kailanman mag-iisip nang ganito. Habang mas nagbabagi ang sambahayan ng Diyos ng tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao at usapin, mas pakiramdam nila na tama at nakumpirma ang mga paghihinala nila: “Kita ninyo, ako ang matalino! Buti na lang nanatili akong maingat. Palaging sinasabi ng mga tao na mapaghinala ako at walang pagtitiwala, pero pinatutunayan ng mga katunayan na tamang maging mapaghinala ako. Tingnan ninyo kung gaano kayo kahangal lahat—sa pananampalataya ninyo sa diyos, alam ninyo lang ang inyong mga tungkulin at magsalita tungkol sa inyong kaalamang batay sa karanasan. Ano ang silbi niyon? Mapoprotektahan ka ba niyon? Hindi! Anuman ang sitwasyong kinahaharap mo, mapoprotektahan mo lang ang sarili mo kung magiging mas maingat ka at mas kukuwestiyunin ang mga bagay-bagay. Kailangan mong magbantay laban sa lahat. Hindi ka dapat umasa sa sinuman tulad sa pag-asa mo sarili mo, kahit na sa sarili mong mga magulang!” Sabihin Mo sa Akin, anong uri ng mga tao sila? Mga mananampalataya ba sila sa Diyos? (Hindi.) Anumang uri ng gawain ang pinagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos o anumang uri ng mga tao ang kinikilatis nito, at anuman ang mga kapaligirang inilalatag ng Diyos para sa mga tao, ang pakay nito ay para matuto ang hinirang na mga tao ng Diyos ng mga aral mula sa mga bagay na ito, para makatanggap sila ng pagsasanay sa kaharian sa mas praktikal na paraan, at para—sa pamamagitan ng mga praktikal na aral na ito—ay maunawaan nila ang katotohanan at magkamit ng pagkilatis sa mga tao, makikita nang mas malinaw ang mga tao at iba’t ibang usapin, at sa gayon ay higit na maunawaan kung aling aktuwal na mga tao, pangyayari, at bagay-bagay ang tinutukoy ng mga salita at katotohanang inihahayag ng Diyos. Pero hindi lang hindi magawang matutunan ng mga mapaghinalang tao ang anumang aral mula sa mga bagay na ito, at sa halip ay lalo pa silang nagiging mapaghinala at tuso.

May ilang mapaghinalang tao, tuwing nagsasabi o gumagawa sila ng anumang bagay sa sambahayan ng Diyos, ay palaging sobrang maingat, palaging natatakot na baka pungusan o pahirapan pa nga sila ng mga kapatid o ng mga lider at manggagawa. Sinasabi nilang, “Kung titigil ako sa pananampalataya sa diyos at iiwan ang iglesia, gagantihan ba ako ng iglesia?” Hindi sila dapat mag-alala tungkol dito. Kung iniiwan ng isang hindi mananampalataya ang iglesia, isa itong masayang okasyon para sa lahat ng panig—kapaki-pakinabang ito para sa lahat. Kaya, kung gusto mong iwan ang iglesia o bitawan ang tungkulin mo para bumalik sa iyong bahay at mamuhay ng iyong buhay, dapat lakas-loob mo itong banggitin nang walang anumang inaalala. Maaari ka ring magsulat ng isang pahayag na nagsasabing: “Simula sa ganito-at-ganyang petsa, opisyal ko nang iiwan ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at aalis mula sa hanay ng mga gumagawa ng tungkulin nila.” Ganap itong pinahihintulutan. Bukas ang mga pintuan ng sambahayan ng Diyos, at maaari kang umalis nang buong-loob nang walang inaalala tungkol sa sinumang gaganti sa iyo. Hindi kailangang matakot o maghinala. May nakikita ka bang sinumang masamang tao sa mga taong ito na nasa iglesia? Talagang wala. Kahit pa may masasamang tao, dapat silang paalisin kaagad. Karamihan sa mga tao ay medyo may mabuting asal at gustong tahakin ang tamang landas sa buhay. Ang pagganti o pananakit sa iba ay lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at hinding-hindi nila magagawa ang gayong bagay. Ano sa tingin ninyo ang mali sa kung paano umaasal ang mga mapaghinalang tao? Mayroon lang silang hindi mapagtiwalang isipan pero walang kaalaman. Naniniwala sila na ang kanilang pagiging tuso, mapanlinlang, at hindi mapagtiwalang isipan ay ang pinakamataas na anyo ng karunungan pagdating sa kung paano sila umaasal. Hindi sila interesado sa mga katotohanang prinsipyo ni sa gawain at mga salita ng Diyos—hindi nila ito inuunawa o hinahanap. Sa halip, namumuhay sila ayon lang sa mga pilosopiya ni Satanas, iniisip, “Anuman ang mangyari sa akin, dapat kong kuwestiyunin pa ang mga bagay-bagay. Bukod dito, sa tingin ko ay sinuman ang paghinalaan ko, makatwiran para sa akin na gawin iyon, at tumugma man o hindi ang aking mga hinala sa mga katunayan, may katwiran ito. Sa kabuuan, ang mas paghihinala kapag nahaharap sa mga sitwasyon ay mas kapaki-pakinabang para sa akin.” Bilang resulta, ilang taon man silang nananampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman naghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga sagot sa mga salita ng Diyos para lutasin ang iba’t ibang problema at mga pagdududa nila. Sa halip, umaasa sila sa sarili nilang isipan, hindi mapagtiwalang mentalidad, mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, o sarili nilang karanasan sa buhay para suriin at pangasiwaan ang mga usaping ito. Sa huli, habang mas nakararanas sila ng iba’t ibang sitwasyon at nakaririnig ng mas maraming iba’t ibang impormasyon, hindi lang nananatiling hindi nagbabago ang mapaghinalang kalikasan nila, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Halimbawa, kapag ang ganitong uri ng mapaghinalang tao ay nanampalataya na sa Diyos nang isa o dalawang taon at narinig ang tungkol sa Zhaoyuan Incident na inimbento ng CCP para siraan ang sambahayan ng Diyos, iniisip nilang, “Siguro ginawa nga ito ng sambahayan ng diyos. Kahit hindi pa ito iniutos ng sambahayan ng diyos, malamang sa ginawa ito ng mga kapatid sa ibaba, at hindi ninyo lang ito inaamin.” Matapos manampalataya sa Diyos ng tatlo hanggang limang taon, naniniwala pa rin sila sa bersyon ng mga pangyayari ng malaking pulang dragon. Kahit makalipas ang walo hanggang sampung taon, nananatiling hindi nalulutas ang mga pagdududa nila tungkol sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila naniniwala na ang malaking pulang dragon ang namamaratang at naninira sa iglesia; sa halip, ipinagpapalagay lang nilang ginawa ito ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Kita mo, kapag tinitingnan nila ang ilang bagay, hindi nila ito ginagawa batay sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo—naniniwala sila sa bersyon ng malaking pulang dragon at tinitingnan ang usapin mula sa pananaw ng mga diyablo at ni Satanas. Kahit gaano pa apihin at saktan ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos, pakiramdam nila ay kauna-unawa ito, pero hindi nila kailanman pinaniniwalaan na inosente ang sambahayan ng Diyos o na walang kasalanan ang mga kapatid na nagdurusa ng pang-uusig dahil sa pananampalataya ng mga ito sa Diyos. Kahit pa nakikita nila mismo na ang mga kapatid sa sambahayan ng Diyos ay may mabubuting asal at nananatili sa sarili nitong lugar, sa puso nila ay palagi silang naniniwala, nang walang anumang pagdududa, sa mga bagay na ginawa ng malaking pulang dragon para siraan ang iglesia. Bagaman, sa pananampalataya sa Diyos, ang gayong mga tao ay kayang magtiis ng hirap, magbayad ng halaga, at magbigay pa nga ng mga handog, sa huli, sila pa rin ay mga hindi mananampalataya. Sa katunayan, ang mga mapaghinalang tao ay mas mapanggulo pa kaysa sa iyong mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan. Sa anong paraan sila mas mapanggulo? Iyong mga hindi interesado sa katotohanan ay ganap na walang pakialam at hindi interesado sa gawain ng iglesia at sa pagganap ng mga tungkulin; gaano man sumusunod ang mga mananampalataya sa Diyos o gumagawa ng mga tungkulin nito, hindi ito mahalaga sa kanila. Bilang resulta, wala silang mga pagdududa tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos o paggawa ng tungkulin, at karaniwang hindi sila kailanman nagtatanong tungkol sa mga usapin ng iglesia. Pero ang mga mapaghinalang tao ay ang eksaktong kabaligtaran—mahilig silang magtanong tungkol sa mga sabi-sabi. Bakit gusto nilang magtanong-tanong tungkol sa mga bagay na ito? Isa sa mga layon nila ay tiyak na: “Kung magtatanong pa ako at mas maraming malalaman, matutulungan ako nitong maghanda ng reserbang plano nang maaga, at para makapagpasya anumang oras kung mananatili ako o aalis.” Tumutuon din sila sa pagtatanong tungkol sa partikular na mga usapin, tulad sa kung ano ang tunay na pangalan ng isang partikular na lider o manggagawa, kung saan ito nakatira, kung anong uri ng propesyon mayroon ito sa sekular na mundo, o kung bakit nito iniwan ang tahanan nito para gawin ang tungkulin ito. Maaari din silang magtanong tungkol sa mga nangangaral ng ebanghelyo, tulad ng kung kanino nangaral ang mga ito, sino sa pamilya ng mga ito ang nananampalataya sa Diyos, ilang taon nang nangangaral ang mga ito ng ebanghelyo, ilang tao na ang nakamit ng mga ito, at iba pa. Nagtatanong sila tungkol sa mga bagay na ito nang detalyado. Mahilig mangalap ng mga ganitong uri ng impormasyon ang mga mapaghinalang tao, at kapag nakalap na nila ito, napapanatag sila, iniisip na napakahalagang malaman ang mga bagay na ito, at magagamit nila ang impormasyong ito sa mga kritikal na oras. Ang mga mapaghinalang tao ay masyadong maraming nalalaman. Sila ay mga “database ng impormasyon,” at alam nila maging ang ilang bagay na hindi alam ng mga lider at manggagawa, tulad ng kung sino ang pumunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin ng mga ito at sa kung aling bansa nagpunta ang mga ito—alam nila maging ang mga bagay na ito tungkol sa mga taong pumupunta sa ibang mga bansa. Pero kung tatanungin mo sila kung aling yugto ng mga sermon ang huling inilabas, hindi nila ito masasabi sa iyo. Hinding-hindi nila binibigyang-pansin ang mga usapin ng buhay pagpasok, pero pagdating sa personal na impormasyon ng mga kapatid at ilang kalagayan sa iglesia, malinaw na malinaw sa kanila ang mga bagay na iyon. Isa sa mga pakay nila sa madalas na pagtatanong tungkol sa mga bagay-bagay ay para malaman ang iba’t ibang kalagayan, pagkatapos ay makapaghahanda sila ng daan palabas para sa sarili nila anumang oras. Naniniwala sila na magiging sobrang kahangalan na hindi pag-isipan ang daan nila palabas—para gamitin ang mga salita ng mga walang pananampalataya, para bang sila ay “tumutulong sa iba matapos silang ipagkanulo nito!” Sa totoo lang, para silang nabubulok na lumang pagkain, walang halaga, pero nakikita nila ang sarili nila na napakahalaga. Ano sa palagay ninyo, mapaghinalang tao ba ang mga ito? (Oo.) Mga mapaghinalang tao nga ang mga ito. Ang mga mapaghinalang tao ay may napakatuso at mapanlinlang na pagkatao. Nakikita ng ilang tao ang pagiging tuso at mapanlinlang bilang tanda ng mataas na katalinuhan, pero mali ito. Sa totoo lang, ang mga tuso at mapanlinlang na tao na ito ay napakahangal at walang anumang kakayahan. Napakababa ng kakayahan nila, at mahirap nang baguhin ito; ang pagiging tuso nila ay nangangahulugan din na mas mahirap silang gamutin. Kung ang isang tao ay may mababang kakayahan pero medyo tapat at hindi tuso, at kaya niyang taos-pusong gumawa ng tungkulin niya, baka mayroon pa siyang bahagyang pag-asang maliligtas. Kung may mababang kakayahan siya at medyo mapanlinlang, pero kaya niyang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili niya, marahil ay may bahagya pa siyang pag-asang mawaksi ang mapanlinlang niyang disposisyon. Kung kaya niyang maunawaan ang katotohanan at unti-unting malalaman ito at makapasok rito, maaaring unti-unting mawala ang pagiging mapaghinala niya. Pero sa kasamaang-palad, ang mga taong ito ay kapwa walang kakayahan, at mapanlinlang at tuso, at lubhang hangal din sila. Ito ay parang taong bulag na mayroon pang problema sa mata—wala nang lunas, tama? (Tama.) Hindi na matutubos ang gayong mga tao. Dahil ang mga taong ito ay mapaghinala sa antas na hindi na sila matutubos, sa palagay ninyo ba, paano sila dapat tratuhin? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang bantayan. Kaya nilang pagtaksilan ang iglesia para protektahan ang sarili nila; mapapanganib na indibidwal sila. Maaari tayong humanap ng mga pagkakataon para ilantad sila at palayasin, o kung hindi tayo makahanap ng pagkakataong gawin ito, maaari natin silang hikayating umalis sa matalinong paraan.) Kapag sigurado na kayo na ang isang tao ay mapaghinalang tao, huwag nang makisalamuha sa kanya. Ang pakikisalamuha sa kanya ay magdudulot lang ng problema. Kung makikisalamuha ka sa kanya, palagi ka niyang susubukang kilatisin. Kapag aalis ka, babantayan ka niya, palaging nagtatanong, “Saan ka pupunta? Ilang araw kang mawawala? Ano ang gagawin mo?” Pagbalik mo, tatanungin niya, “Kanino ka nakipagkita? Naisakatuparan mo ba ang gampanin mo? Ano ang pinag-usapan ninyong lahat?” Kung hindi mo siya sagutin, magrereklamo siya: “Hindi nila ipinaaalam sa akin ang kahit ano. Hindi nila ako pinagkakatiwalaan, tama? Hindi nila ako tinatrato bilang bahagi ng sambahayan ng diyos! Sinabi nilang gagawa sila ng gawain ng iglesia, pero bakit inililihim nila ito sa akin? Tiyak na umalis sila para gumawa ng ilegal na bagay.” Palagi siyang mang-eespiya sa iyo nang hindi mo nalalaman. Talagang mapanggulo ang gayong mga tao. Nagtatanong sila tungkol sa maraming bagay, gustong malaman ang lahat. Pero kapag nalaman na nila ang mga bagay na iyon, hindi nila maarok o makita ang mga iyon nang tama, at sinsusubukan din nilang hanapan ang mga iyon ng mga mapaghinalang bahagi, kaya’t lalong lumalaki ang mga pagdududa nila. Ipagpalagay na pinayuhan mo sila, “Dahil may gayon kalalaki kang pagdududa tungkol sa Diyos, at dahil hindi mo pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang mga katotohanan, at na kaya ng mga itong dalisayin at iligtas ang tao, dapat ka nalang tumigil sa pananampalataya sa Diyos!” Aayawan nilang gawin iyon—gusto pa rin nilang manampalataya at gusto pa rin nilang magkamit ng mga pagpapala. Hindi ba’t mapanggulo ang mga ganitong tao? (Oo.) Madaling pangasiwaan ang mga ganitong tao. Kung makapagdadala sila ng malaking problema sa iglesia, kaagad silang hikayating umalis. Ang mga taong ito ay hindi mapagkakatiwalaan, at wala silang kakayahang arukin ang katotohanan, at kahit kaya pa nilang gumawa ng kaunting tungkulin, magdudulot lang sila ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos—mas malaki ang pinsalang idinudulot nila kaysa mabuti. Kaya, ang paghikayat sa kanilang umalis ay kinakailangan.

Ang mga duwag na tao ay mapanggulo, at ang mga mapaghinalang tao ay mapanggulo rin. Pero ang mga taong parehong duwag at mapaghinala ay mas lalo pang mapanggulo. Ang mga tao ito ay lubhang kimi at takot sa kamatayan, at mapaghinala sila tungkol sa lahat ng bagay, palaging nagdududa tungkol sa kung ang pananampalataya sa Diyos ay makapag-aakay sa kanila para maloko. Natatakot silang baka mahadlangan ang kinabukasan nila at iniisip nila na hindi magiging sulit ang maaresto at mausig, na hahantong sa kamatayan nila. Kung ganito kalala ang pagiging mapaghinala nila, ano ang silbi ng pananampalataya nila sa Diyos? Hindi ba’t pagpapahirap lang ito sa sarili nila? Binabantayan nila ang mga kapatid at ang bawat pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos na para bang nagbabantay sila laban sa mga manloloko, tulad lang ng pagbabantay nila laban sa malaking pulang dragon o mga diyablo at Satanas. May ilang tao pa nga na sumusubok na magpayo sa kanila, sinasabing, “Siguraduhin mo lang na manampalataya ka sa Diyos nang masigasig, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin mo nang maayos, at sasang-ayunan ka ng Diyos.” Pero ano ang iniisip nila sa loob-loob nila? “Gusto mong gawin ko nang maayos ang tungkulin ko, pero kapag naging tanyag na ako at inaresto ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging katapusan ko na iyon?” Kung ganito talaga ang pag-iisip nila, wala nang silbing subuking payuhan sila. Lubha silang kimi at palaging takot sa kamatayan. Kapag naririnig nilang naaresto ang mga mananampalataya ng Diyos, sobra silang natatakot na napapaihi sila sa pantalon nila. Pero pagdating sa panloloko at pandaraya sa mga negosyante, gaano man kalaki ang gulong kinasasangkutan nila, hindi talaga sila natatakot—lubos na buo ang loob nila sa ganitong bagay. Pero, kapag kinasasangkutan ito ng mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, lubha silang kimi. Puno sila ng iba’t ibang uri ng pagdududa tungkol sa mga kapatid, tungkol sa sambahayan ng Diyos, at lalo tungkol sa Diyos at sa mga salita at gawain ng Diyos, at walang anumang dami ng pagbabahaginan ang makalulutas sa mga pagdududang ito. Gaano karaming taon man silang nananampalataya, hindi pa rin nila alam kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos o kung bakit kailangan nilang magtipon at gawin ang tungkulin nila. Malinaw na ang mga taong ito ay may kakulangan sa pag-iisip, at sila ay medyo tuso at mapanlinlang. Ang gayong mga tao ay dapat hikayating umalis kaagad. Kung titigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at ayaw nang gawin ang tungkulin nila dahil sa pagiging duwag o para sa ano pa mang dahilan, mabuti iyon—nakaiiwas ito sa istorbo ng pagpapaalis sa kanila at nakaiiwas sa abala. Kung isang araw ay naging interesado silang muli na manampalataya sa Diyos at gustong bumalik para manampalataya sa Diyos, maaari mong sabihin sa kanila, “Bilang isang mananampalataya ng Diyos, maaari kang maaresto at makulong anumang oras, at may panganib pa ngang makitil ang iyong buhay. Pero kung hindi ka mananampalataya sa Diyos at sa halip ay magnenegosyo ka sa mundo at kikita ng maraming pera, baka matamasa mo ang maginhawang buhay.” Pagkarinig nito, lubos na mapapanatag ang puso nila, at hindi na nila iisipin ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iisipin nilang, “Sa wakas, tapos na ang mga taon ng aking pag-aalala at takot. Hindi ko na kailangang pagdudahan ang iglesia, ang mga kapatid, o ang sambahayan ng Diyos. Sa wakas ay nakalaya na ako.” At ganoo’t ganoon lang, ang mga duwag at mapaghinalang tao ay nahihikayat na umalis. Nalulutas nito ang isang malaking problema, tama? (Oo.) Napakagandang paraan ito para malutas ang usapin.

I. Pagiging Mahilig Magdulot ng Kaguluhan

Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagiging mahilig magdulot ng kaguluhan. Alam ninyo ba kung anong uri ng mga tao ang mahilig magdulot ng kaguluhan? Sa iglesia, nakatagpo na ba kayo ng ganitong uri ng tao na mahilig magdulot ng kaguluhan? Anuman ang kanilang edad, kasarian, o propesyong mayroon sila sa mundo, kung palagi silang nagdudulot ng kaguluhan at palaging gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon, na nagdudulot ng mga negatibong epekto sa iglesia at lumilikha ng malalaking hadlang sa gawain ng ebanghelyo, dapat kaagad na pangasiwaan ng iglesia ang mga taong ito. Una, bigyan sila ng babala, at kung masyadong seryoso ang sitwasyon, patalsikin o palayasin sila. Hindi ninyo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Anong uri ng mga tao iyong mahilig magdulot ng kaguluhan? Halimbawa, may ilang tao na, habang nagnenegosyo o nagpapatakbo ng mga pabrika sa mundo, ay nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal at madalas na gumagawa ng mga bagay-bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon. Ngayon, iniiwasan nila o kulang ang binabayaran nilang buwis; bukas, magsasagawa sila sa panloloko at panlilinlang, o kaya ay masasangkot sa mga kasong legal dahil sa pagdudulot ng kamatayan. Dahil sa mga bagay na ito, madalas silang ipatawag ng korte, ginugugol ang mga araw nila sa mga asunto, at palaging nasasangkot sa mga alitan. Kaya bang manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos nang taos-puso? Imposible iyon. May ilang tao na nagsasabing nananampalataya sila sa Diyos pero kumikilos sa napakakakaiba at abnormal na paraan. Ngayon, binabastos nila ang kasalungat na kasarian; bukas, maaaring manghalay sila ng isang tao at maiulat. Masasabi mo bang mahilig magdulot ng kaguluhan ang mga ganitong tao? (Oo.) Kung gayon, makapapanampalataya ba nang taos-puso ang gayong mga tao sa Diyos? (Hindi.) Ang mga ganitong tao na mahilig magdulot ng kaguluhan, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay palagi pa ring nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal mula sa lipunan at patuloy na nagdudulot ng mga alitan, tulad ng mga alitan sa mga emosyonal na usapin, pananalapi, ari-arian, o pansariling interes. O, dahil sa ilang insidente na nagdudulot ng tensyon sa isa sa mga relasyon nila, o dahil sa hindi patas na paghahati ng mga nakaw na yaman nila, palaging may mga taong naghahangad na magdulot sa kanila ng kaguluhan. Kapag dumadalaw ang mga kapatid sa bahay nila paminsan-minsan, maaaring makasalubong nila ang mga kahina-hinalang tao na ito. Kahit kapag nasa mga pagpupulong sila o gumagawa ng mga tungkulin nila, paminsan-minsan ay sumusulpot ang mga kahina-hinalang taong ito sa pinto nila o nagpapadala ng mga nakagagambalang mensahe, kaya ang sinumang kasama ng mga taong ito na mahilig magdulot ng kaguluhan ay malamang sa madamay sa mga problema nila; sa partikular, ang gawain at reputasyon ng iglesia ay lalo sa malamang na maaapektuhan at mapipinsala ng mga taong ito. Sabihin mo sa Akin, mabuti ba para sa gayong mga tao na manatili sa iglesia? (Hindi.) Ang ganitong uri ng tao ay dapat paalisin at pangasiwaan.

May ilang tao din na, anuman ang propesyon nila sa lipunan, ay palaging gustong sumalungat sa pamahalaan, sa mga opisyal ng pamahalaan, o sa mga partikular na pangkat panlipunan at mga pampublikong personalidad. Ngayon, inilalantad nila ang mga hindi makatarungang pagkilos ng pamahalaan; bukas, magsasampa sila ng kaso laban sa isang grupo o organisasyon, humihingi ng kabayaran para sa mga pinsala; sa makalawa, inilalantad nila ang pribadong buhay ng isang pampublikong personalidad, na nagtutulak sa mga taong hanapin ito. Pagdudulot ba ito ng kaguluhan? (Oo.) Kahit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, gusto pa rin nilang makisangkot sa mga usaping panlipunan. Kapag may nakita silang bagay na hindi nila ikinasisiya at ikinagagalit nila, palagi nilang gustong ipaglaban ang katarungan para magpakitang-gilas, o sumulat ng isang komento o artikulo para husgahan ang mga tama at mali ng usaping iyon. Ano ang nangyayari sa huli? Wala silang naisasakatuparang anuman, kundi nauuwi sa pagdudulot ng sangkatutak na kaguluhan para sa sarili nila, nasasangkot sa mga asunto, at nasisira ang reputasyon nila. At palaging may mga kahina-hinalang tao mula sa lipunan na naghahanap sa kanila, gustong maghiganti o kumilos laban sa kanila, kaya nabubuhay sila sa matinding takot. Para makatakas sa ganitong uri ng buhay at maiwasan ang kaguluhan, bumibili sila ng ilang bahay, ipinaliliwanag, “Sabi nga nila, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga’ Isa lang sa tatlong bahay ko ang alam ng publiko; walang nakaaalam sa dalawa pa. Pinananatili ko ang mga ito para sa paggamit ng iglesia at para matirhan ng mga kapatid.” Sa palagay mo ba magiging ligtas ang mga kapatid kung mananatili sila roon? (Hindi, hindi sila magiging ligtas.) Magandang pakinggan ang mga salita nila, at mabuti ang layunin nila sa paggawa nito, pero dahil sa karakter at kapintasan nila sa pagkahilig na magdulot ng kaguluhan, sino ang maglalakas-loob na manatili sa bahay nila? Kung mananatili ka roon, maaaring isipin ng mga tao na bahagi ka ng pamilya nila. Kung may sinumang maghahanap para bugbugin sila pero hindi sila matagpuan, hindi ba’t ikaw na lang ang bubugbugin nito? May ilang tao na mahilig magdulot ng kaguluhan. Kapag nagmamaneho sila nang normal at napapadpad sa isang liblib na lugar, maaari silang harangin ng sinuman, na siya namang kakaladkad sa kanila palabas ng sasakyan, marahas na bubugbugin sila, at binibigyan sila ng babala. Alam nila na dahil ito sa una nilang sinalungat ang isang tao at nagdulot ng kaguluhan sa sarili nila, at na sinumang sinalungat nila ay gusto silang pahirapan. Hindi ba’t nararapat lang iyon sa kanila? Ang ganitong uri ng tao ay likas na mahilig magdulot ng kaguluhan. Pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, anumang usapin ang tinatalakay ng iglesia, palaging gusto nilang makisawsaw; gusto nilang magbigay ng opinyon tungkol sa usapin at magbigay ng komento, sinusubukan ding kumbinsihin ang mga taong makinig sa kanila. Kapag hindi ginamit ng iglesia ang mga mungkahi nila, labis silang hindi nasisiyahan at naghihinakit, hindi alam ang sarili nilang kakayahan. Gaano karaming kawalan man ang dinaranas nila, hindi nila kailanman natatandaan ang mga ito o kinapupulutan ng aral ang mga kabiguan nila. Ang gayong mga tao ay nagdudulot ng kaguluhan kahit pa nananampalataya sila sa Diyos. Una, hindi nila nauunawaan ang katotohanan pero palaging gustong makialam sa gawain ng iglesia, sinusubukang makialam sa lahat ng bagay, na nagreresulta sa paggambala at panggugulo nila sa gawain ng iglesia. Isa pa, sa tuwing gumugugol sila ng oras kasama ang sinumang kapatid, nagdudulot din sila ng gulo rito. Ang mga ganitong uri ng tao na mahilig magdulot ng kaguluhan ay isang malaking pasakit. Sa palagay mo ba, ang mga taong mahilig magdulot ng kaguluhan ay mga taong hindi nagdudulot ng mga problema? Mga tao ba sila na nananatili sa nararapat nilang lugar? (Hindi.) Tiyak na hindi sila mga taong nananatili sa nararapat nilang lugar. Karaniwan, ang mga taong namumuhay ng disenteng buhay ay may tendensiyang manatili sa nararapat nilang lugar. Hangga’t walang kinalaman ang mga usaping panlipunan sa pananampalataya nila sa Diyos, tiyak na hindi sila nakikialam o nagtatanong tungkol sa mga ito. Tinatawag itong pagiging makatwiran, pag-unawa sa mga panahon, at pag-unawa sa katuturan ng mga bagay-bagay. Ang lipunan at sangkatauhang ito ay sobrang buktot at komplikado. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Sa magulong kapanahunan at magulong mundong ito, kailangan matutunan ng mga tao kung paano protektahan ang sarili nila.” Higit pa rito, palagi kang nagkukomento tungkol sa mga usaping panlipunan at gustong makialam sa mga ito, pero hindi iyon ang landas na dapat mong tahakin sa buhay. Ang paggawa ng mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi ang tamang landas sa buhay. Kahit na nakapagsasalita ka nang patas, hindi pa rin iyon maituturing na makatarungang layunin. Bakit hindi? Dahil walang pagiging patas sa mundong ito; hindi ito pinahihintulutan ng masasamang kalakaran. Kung talagang makapagsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa sambahayan ng Diyos, may halaga at kabuluhan iyon. Pero kung magsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa masama, tiwali, at magulong mundong ito ng tao, ang gayong mga salita ay madaling mag-anyaya ng gulo at magdala ng panganib. Hindi ba’t magiging napakahangal kung sasabihin ang gayong mga salita kung ganoon? Ang paggawa nito ay hindi lang hindi magpapahintulot sa iyo na mamuhay nang may kabuluhan, kundi magdadala rin ito sa iyo ng walang katapusang problema. Kaya, nakikita ng matatalinong tao na ang mga usaping panlipunang ito ay isang salot at inilalayo ang sarili nila sa at iniiiwasan ang mga ito, samantalang pumupunta naman sa mga ito ang mga hangal na tao, nagdudulot ng napakalaking kaguluhan sa sarili nila. May ilang tao sa partikular, matapos magsanay ng martial arts nang ilang araw, ang natututo ng ilang kahanga-hangang teknik at nagkakamit ng kaunting kasikatan, at pagkatapos ay gustong makipaglaban para sa katarungan at nakawan ang mayayaman para tulungan ang mahihirap. Gusto nilang gampanan ang papel ng isang kabalyerong lagalag o mandirigma, naglilibot-libot para itama ang mga mali, nangunguna pa nga sila para tumulong tuwing nakakakita sila ng kawalang katarungan. Bilang resulta, humahantong ito sa kaguluhan—hindi nila nauunawaan kung gaano kakomplikado ang lipunan. Sabihin mo sa Akin, kapag kumikilos ka para tumulong, hindi mo ba masasalungat ang ilang tao sa huli? Hindi ba’t masisira ang maiingat na plano ng ginawa ng ilang tao? (Oo.) Kapag nasira mo ang maiingat na plano na mayroon ang mga tao, papalampasin ka ba ng mga ito? (Hindi.) Maaaring sabihin mong, “Ang isinasagawa ko ay isang makatarungang layunin,” pero kahit isa pa itong makatarungang layunin, hindi iyon sapat—hindi ka pahihintulutan ng mundong ito na magsagawa ng makakatarungang layunin. Kung gagawin mo ito, magdudulot ka lang ng kaguluhan. Hindi ito nauunawaan ng mga hangal, hindi nila makilatis ang mundo. Palagi nilang iniisip iyon, dahil mga kabalyerong lagalag sila, dapat silang kumilos para tulungan ang iba. Pero sa huli, sinisira nila ang maiingat na plano ng ibang tao, at ang taong iyon ay naghahangad na maghiganti sa kanila at tumatangging tumigil. Ganito sila nagdudulot ng sakuna. Palihim na sinisimulang alamin ng kabilang tao ang pangalan nila, kung saan sila nakatira, kung ano ang sitwasyon ng pamilya nila, kung sinu-sino ang miyembro ng pamilya nila, kung may anuman ba silang impluwensiya sa lugar na iyon, at kung paano pinakamainam na kumilos laban sa kanila. Kapag may malinaw na siyang pang-unawa tungkol sa lahat ng ito, saka siya nagsisimulang kumilos laban sa “kabalyerong lagalag,” na ang buhay ay nagiging mahirap mula noon. Ang mga ganitong uri ng mga tao ay palaging nagdudulot ng kaguluhan at, gaano kalaki man ang mga kawalang dinaranas nila, hindi nila natututunan ang leksiyon nila. Kapag nahaharap sila sa isang bagay na sa tingin nila ay hindi patas, gusto pa rin nilang makipaglaban para sa katarungan, at kumilos para tumulong. Hindi lang sila nagdudulot ng kaguluhan sa sarili nila, kundi inilalagay rin nila ang pamilya nila sa panganib, at minsan ay sinasangkot maging ang mga kaibigan o kasamahan nila sa trabaho rito. Kung nananampalataya sila sa Diyos at pumapasok sa iglesia, maaari rin nilang malagay sa panganib ang mga kapatid. Halimbawa, kung masangkot sila sa kaguluhan sa lipunan at may isang taong gustong maghiganti sa kanila, at alam ng taong iyon na dumadalo ka sa mga pagtitipon kasama nila, maaari siyang lumapit sa iyo para sa impormasyon tungkol sa sitwasyon nilang personal at sa pamilya. Kaya, sasabihin mo ba sa taong iyon o hindi? Kung sasabihin mo, parang ipinagkanulo mo sila, na magdudulot ng kaguluhan sa kanila; kung hindi mo sasabihin, maaaring pahirapan ka ng taong iyon. Masyadong maraming masamang tao sa mundong ito, at ang masasamang tao ay lahat walang katwiran. Kung may sasalungat sa kanila, gagamitin nila ang lahat ng paraan para maghiganti. Hindi ba’t iyon ang kaso? (Oo.) Anuman ang uri ng kaguluhan na kinasasangkutan ng mga taong mahilig magdulot ng kaguluhan, palagi itong nagdudulot ng problema at kaguluhan sa pagganap nila ng tungkulin at maaari ding makaapekto sa gawain ng iglesia sa iba’t ibang antas. Kung ang isang tao ay palaging nagdudulot ng kaguluhan, sa palagay ninyo ba na ang pagbabahagi ng katotohanan sa kanya ay makalulutas sa problemang ito? (Hindi.) Ang mga ganitong uri ng tao ay kadalasang walang tamang katwiran. Kahit kapag nasasangkot sila sa kaguluhan, hindi nila ito nakikita bilang isang kaguluhan; maaaring isipin pa nga nila na may pagpapahalaga sila sa katarungan. Sa gayong mga kaso, walang silbi ang pagbabahagi sa kanila ng katotohanan dahil may baluktot na pag-arok sila, mga kakatwang indibidwal sila. Ang mga kakatwang indibidwal ay hindi madaling tumanggap ng katotohanan. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Nahaharap sila sa paghihirap; paano natin sila ipagsasawalang-bahala? Paanong hindi natin sila pakikitaan ng awa? Dapat natin silang tratuhin nang may pagmamahal.” Mainam ang pagtrato sa kanila nang may pagmamahal, pero matatanggap ba nila ito? Kung hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at patuloy na pinanghahawakan ang sarili nilang mga pananaw, angkop ba para sa iyo na patuloy na magbahagi sa kanila ng katotohanan nang walang katapusan? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Ang mga ganitong uri ng mga tao ay hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Ang kalikasan nila ay sa mga hindi mananampalataya. Kahit magbahagi pa tayo ng katotohanan sa kanila, hindi nito malulutas ang problema, at makapagdadala pa rin sila ng maraming kaguluhan sa iglesia.) Kaya, dapat bang paalisin ang mga ganitong uri ng mga tao? (Oo, dapat silang paalisin.)

May isa pang uri ng mga tao na mahilig magdulot ng kaguluhan. Sa iglesia, palagi nilang inuudyukan ang mga kapatid na gawin ang mga partikular na bagay. Halimbawa, sinasabi nilang: “Ang hakbang na isinagawa ng pamahalaan at ang polisiyang binalangkas nila ay hindi makatwiran. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magsagawa ng pagiging matuwid, kailangan nating magsalita hindi tayo dapat umatras tulad ng mga duwag. Kailangan nating magmartsa sa mga kalsada nang may mga bandera at magprotesta, ipinaglalaban ang kapakanan ng mga kapatid, ng ating iglesia, at ng buong sangkatauhan!” At ano ang resulta nito? Bago pa man sila makapagmartsa, natutuklasan na ito ng pamahalaan, at ipinatatawag na sila ng hukuman. Sabihin mo sa Akin, masuwerte ba o malas para sa iglesia na magkaroon ng gayong tao? (Malas.) Sinasabi ng ilang tao: “May gayong kalentadong tao pala ang ating iglesia—may potensiyal ang taong ito na maging lider! Tingnan mo ang mga taong iyon sa ating iglesia; lahat sila ay mabababang-loob at sumusunod lang, na walang impluwensiya sa lipunan. Kimi sila at hindi naglalakas-loob na humarap sa malalaking isyu, at sobrang natatakot sila na magdulot ng kaguluhan. Iba ang taong ito—siya ay matapang, mapanuri, at mapagpasya; may impluwensiya rin siya sa lipunan, may kakayahan, at kapag nakakakita siya ng kawalang katarungan, naglalakas-loob siyang manindigan at manguna. Kahit kapag nahaharap sa mga kasong legal, hindi siya natataranta o nababalisa. Ang kakayahan niyang mag-isip ay talagang angkop sa pagiging isang opisyal. Kung ang taong ito ay masasangkot sa politika, magiging isang kinatawan siya o kahit papaano ay gobernador ng isang probinsya. Hindi tayo sapat na mahusay. Kaya, dapat piliin siya ng iglesia na maging lider. Kung pamumunuan niya tayo, tiyak na magkakamit tayo ng kaligtasan!” May ilang hangal na tao na mataas ang pagtingin sa mga taong mahilig magdulot ng kaguluhan sa lipunan at iniidolo pa ang mga ito, gusto pa ngang ihalal ang mga ito bilang mga lider ng iglesia. Sa palagay ninyo ba ay naaangkop ito? (Hindi.) Bakit hindi ito naaangkop? Hindi ba’t kailangan ng iglesia ang gayong “mahuhusay na tao?” (Hindi kailangan ng iglesia ang gayong mga tao. Dapat pamunuan ng mga lider ng iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos para magkasamang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bagaman mukhang may tapang, pananaw, at pagiging mapagpasiya ang gayong mga tao, hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain at magdudulot sila ng walang katapusang gulo sa iglesia. Kaya, hindi sila nararapat na maging mga lider ng iglesia.) Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, isang pagkakamali para sa ganitong uri ng tao na manatili sa iglesia, at magiging mas mapaminsala pa kung ihahalal ang gayong mga tao bilang maging lider. Saan nila aakayin ang iglesia? Gagawin nilang isang relihiyosong grupo ang iglesia! Ito ay dahil kapag nakikita nila ang mga kawalang katarungan sa lipunan, magsasampa sila ng mga kaso; kapag nakikita nila ang masasamang tao na inaapi ang mahihirap, ipaglalaban nila ang mga ito; kapag nakikita nila ang mga tiwaling opisyal na brutal na nananakit sa mga tao, gugustuhin nilang ipaglaban ang katarungan sa ngalan ng Langit. Dahil dito, unti-unti silang nagiging mga kabalyerong lagalag na lumalaban para sa katarungan. Sa ganitong paraan, makapagkakamit pa rin ba kayo ng kaligtasan? Sa panlabas, maaaring magmukhang medyo may kahusayan ang mga taong mahilig magdulot ng kaguluhan, pero sa huli, ano ang mangyayari? Lahat sila ay ititiwalag dahil sa panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, dahil ang landas na tinatahak nila ay hindi ang tamang landas. Anumang uri ng kaguluhang idinudulot nila, hindi sila tumatahak sa tamang landas, ni hindi nila sinusunod ang kalooban ng Diyos. Wala sa mga ginagawa nila ang may kaugnayan sa iglesia, sa gawain ng Diyos, o sa mga layunin ng Diyos; lahat ng ginagawa nila ay malayo sa mga layunin ng Diyos at lumilihis mula sa tamang landas. Ang kalikasan ng pagdudulot nila ng kaguluhan ay na nakikisalamuha at nasasangkot sila sa mga diyablo; sinasalot sila ng mga diyablo. Kaya, dapat magtakda ang sambahayan ng Diyos ng malinaw na hangganan sa pagitan nito at ng gayong mga tao. Kung paulit-ulit silang nagdudulot ng kaguluhan, tumatangging makinig sinuman ang magpayo sa kanila, at sila ay nagdudulot ng kaguluhan nang hindi natututo mula sa mga pagkakamali nila, at nagsasagawa pa ng mga walang ingat na maling gawa, dapat silang hikayating umalis. Maaari mong sabihin: “Tingnan mo ang lahat ng kaguluhang idinulot mo, kung gaano kalaking hadlang ito sa gawain ng iglesia, at kung gaano karaming pagganap ng tungkulin ng mga tao ang naapaktuhan. Paanong hindi mo ito napagtatanto? Ang lawak ng iyong pag-iisip ay sobra-sobra—may sapat na lawak para saklawan ang buong mundo. Ang isang taong tulad mo ay dapat makipagsapalaran sa mundo; dapat mong pagyamanin ang iyong sarili at pamunuan ang bansa, nagdadala ng kapayapaan sa mundo. Nababagay ka sa pakikisalamuha sa matataas na opisyal; tanging sa ganoong paraan ka lang makaaangat sa mga pang-araw-araw at makakapagsapalaran at magtatagumpay. Ang pananatili kasama ng mga taong nananampalataya sa Diyos araw-araw—hindi ba’t hahadlangan ka lang nito sa iyong malalaking ambisyon at nililimitahan ang iyong kakayahang makipagsapalaran at magtagumpay? Tingnan mo kami—wala sa amin ang may malalaking mithiin. Nakatuon lang kami sa pananampalataya sa Diyos, pagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos para maunawaan ang ilang katotohanan, at paggawa ng mas kaunting kasamaan, at baka sa ganoon ay matatamo namin ang pagsang-ayon ng Diyos—iyon lang iyon. Kaming lahat ay mga taong siniraan at ininsulto ng mga makamundong tao, tinanggihan ng mundo, kaya hindi ka nararapat na makisalamuha sa mga katulad namin. Mas makabubuti pa sa iyo kung babalik ka sa mundo at magsisikap doon; marahil ay makakamit mo ang malaking tagumpay at maisasakatuparan ang iyong mga ambisyon.” Naaangkop ba ang paghihikayat sa kanilang umalis sa ganitong paraan? Mabuting paraan ba ito para lutasin ang isyu? (Oo.) Ganito dapat pangasiwaan ng iglesia ang mga hindi mananampalataya; ang paglutas sa usaping ito nang ganito ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.

Ano ang iba pang uri ng mga tao na mahilig magdulot ng kaguluhan? May isang uri ng tao na partikular na popular sa kasalungat na kasarian at palaging nakikipaglandian sa mga kahina-hinalang indibidwal. Hindi sila naghahangad ng isang wastong romantikong relasyon; sa halip, nagpapanatili sila ng mga napakalapit at hindi wastong relasyon sa maraming tao sa kasalungat na kasarian. Dahil hindi nila maayos na mapangasiwaan ang mga relasyon na ito, posible na magselos at maghiganti pa nga sa isa’t isa ang mga taong nilalandi nila. Kaguluhan ba ito para sa kanila? (Oo.) Isa rin itong malaking kaguluhan. Maaaring walang pakialam ang ilang tao tungkol sa mga usaping ito, pero ang gayong mga bagay ay madalas na nagdudulot ng problema sa kanilang personal na buhay at kanilang pananalig, at maaari pa nga itong makaapekto sa kanilang personal na kaligtasan. Ang mga problemang ito ay patuloy na sumusunod sa kanila, at iyong mga madalas makisalamuha sa kanila ay hindi maiiwasang madamay rin. Nasa tunay na romantikong relasyon man sila sa mga indibidwal sa kasalungat na kasarian o nakikipaglandian lang at ginagamit ang isa’t isa, wala kaming pakialam sa gayong mga usapin. Ano ang inaalala namin? Inaalala namin kung ang mga kaguluhang idinudulot nila ay may anumang masamang epekto sa mga kapatid o sa iglesia. Kung may epekto ito, dapat mangialam ang iglesia para ayusin at pangasiwaan ang isyu, pinapayuhan silang asikasuhin nang maayos ang mga kaguluhang ito. Sa kung paano nila aasikasuhin ito, hindi kami makikialam. Kung, kahit gaano man sila payuhan, tumatanggi pa rin silang makinig at hindi inaasikaso o nilulutas ang mga kaguluhang ito, dapat silang ibukod at bigyan ng babala: “Kailangan mo munang asikasuhin ang mga personal mong kaguluhan. Kapag naayos na ang mga ito, maaari ka nang magpatuloy sa paggawa ng iyong tungkulin. Kung hindi mo aasikasuhin ang mga ito nang maayos, mananatili kang nakabukod.” Bagaman mga mananampalataya sila at maaaring gumagawa maging ng kanilang tungkulin—marahil isang mahalagang tungkulin pa nga—dahil sa mga seryosong problema sa kanilang personal na buhay at dahil ang kaguluhang idinudulot nila na makaaapekto sa gawain ng iglesia, hindi ito maaaring balewalain ng mga lider ng iglesia, sapagkat ang mga kaguluhang ito ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib. Halimbawa, maaaring malaman ng mga taong nakakarelasyon nila ang ilan sa mga kalagayan ng iglesia o mga personal na impormasyon tungkol sa mga kapatid mula sa kanila. Kung isisiwalat nila ang impormasyong ito sa mga taong may masamang layunin o sa malaking pulang dragon, magiging mapaminsala ito sa kapwa iglesia at mga kapatid. Kaya, para sa iglesia, ang mga kaguluhang ito o mga potensyal na panganib ay dulot nilang lahat, kaya dapat ipalutas muna sa kanila ng iglesia ang mga personal na kaguluhan nila. Kung ganap nilang maaasikaso ang mga kaguluhan, maaaring magdesisyon ang sambahayan ng Diyos na tanggapin sila muli batay sa kanilang mga kalagayan. Pero kung patuloy nilang hindi lulutasin ang mga kaguluhan nila at gusto pa ring gawin ang tungkulin nila, ano ang dapat gawin? (Hindi sila dapat pahintulutang gawin ang tungkulin nila.) Sa kasong iyon, dapat sila hikayating umalis o paalisin. Sa madaling salita, maging mga lider ng iglesia o mga kapatid, kapag natuklasan nila na may mga tao sa iglesia na mahilig magdulot ng kaguluhan, dapat nilang harapin ang usapin nang naaayon sa mga prinsipyo at kaagad itong pangasiwaan. Hindi nila dapat hintayin na magdala ng panganib ang mga indibidwal na ito sa mga kapatid o magdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia bago ito pangasiwaan at lutasin.

May ilang tao na mabilis magdulot ng kaguluhan at nakipag-away at nakikipagbasag-ulo. Pakiramdam nila palagi na magaling sila manuntok, palaging gustong talunin ang lahat sa mundo, o, kung marunong sila ng kaunting magarang martial arts, gusto nila palaging gumamit ng dahas at puwersa laban sa iba. Hindi ba’t ang ganitong klaseng tao ay mahilig magdulot ng kaguluhan? (Oo.) May ilan din iyong mga hindi nananatili sa nararapat nilang lugar saanman sila magpunta. Hindi sila sumusunod sa mga patakaran o sa kaayusang pampubliko at palaging gustong maging hindi pangkaraniwan. Kapag nagmamaneho, iginiit nilang magpatakbo sa mga pulang ilaw, o iginigiit na lumiko sa kaliwa kung saan hindi ito pinahihintulutan, at kapag pinara at pinagmulta ng pulis, tumatanggi silang tanggapin ito at gustong iulat ang opisyal. Kita mo, nangangahas silang iulat ang sinuman. Kahit pa kumikilos ayon sa batas ang pulis, gusto pa rin nilang ireklamo ito—binabalewala nila ang batas. Hindi ba’t mga sintu-sinto silang mahilig magdulot ng kaguluhan? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao na mahilig magdulot ng kaguluhan ay iniisip na mayroon silang Diyos na masasandigan dahil nananampalataya sila sa Kanya, at na ang iglesia ay may maraming bilang ng mga tao at malaking impluwensiya, at kaya wala silang kinatatakutang anuman. Gumagawa sila ng mga walang ingat na maling gawa saanman para magpakitang-gilas ng kanilang mga kakayahan at para ipakita kung gaano sila kabigatin. Kahit pagkatapos masangkot sa legal na problema, hindi nila alam kung paano baguhin ang landas nila. Sa huli, ano ang sinasabi nila? “Talagang masama ang mundong ito. Inaresto ako dahil lang sa pagtatanggol sa katarungan. Talagang hindi patas ang mundong ito!” Tumatanggi pa rin silang aminin ang mga pagkakamali nila. Nag-uudyok at nagdudulot sila ng kaguluhan sa sarili nila, pero nagrereklamo sila na hindi ito patas sa kanila. Hindi ba’t sobrang kakatwa nito? (Oo.) Gaano man kasama o kadilim ang mundo, hindi matalinong mag-udyok ng kaguluhan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos sa sinuman na mag-udyok ng kaguluhan, ni hindi Niya hiningi sa sinumang gamitin ang bandera ng pananampalataya sa Diyos para makipaglaban para sa katarungan at magpatupad ng katarungan sa ngalan ng Langit. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga batas ng mundong ito ay hindi ang katotohanan, kaya’t hindi na kailangang sundin ang mga ito.” Kahit na ang batas ay hindi ang katotohanan, hindi kailanman sinabi sa iyo ng Diyos na maaari mong labagin ang batas ayon sa iyong kagustuhan, ni hindi Niya sinabi sa iyo na maaari kang pumatay o manunog. Hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin ang batas at sumunod sa kaayusang pampubliko sa lipunan, na matutong sundin ang mga moral na pamantayan at sundin ang mga patakaran saan ka man magpunta, na huwag maging mapanukso, at huwag magdulot ng kaguluhan. Kung lalabagin mo ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan nito—huwag mong asahan na aakuin ang sambahayan ng Diyos ang responsabilidad para sa iyo, dahil ito ay personal na pag-uugali at kumakatawan lang sa iyo bilang isang indibidwal; hindi ka kailanman sinabihan ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng anumang ilegal. Saanmang bansa mo pinangangasiwaan ang mga usapin, ipinag-uutos ng sambahayan ng Diyos na kumpirmahin mo ang batas at kumonsulta sa abogado. Anumang sinasabi ng abogado ay nararapat, iyon ang dapat mong gawin. Kung hindi ka pinayuhan ng abogado na kumilos sa isang partikular na paraan, at kumilos ka nang walang alam, padaskul-daskol, at nilalabag ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan—huwag kang magdala ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos. Kahit na kung ang iminungkahing paraan ng abogado ay hindi ang pinakamainam na pagpipilian, kailangan mo pa ring sundin ang payo ng abogado. Basta’t legal ito at hindi magdudulot ng malaking pinsala sa sambahayan ng Diyos, magagawa ito. Palaging sinasabi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na kumonsulta sa mga abogado at pangasiwaan ang mga usapin ayon sa batas. Gayumpaman, iniisip ng ilang tao, “Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kabilang sa mundo, kaya hindi natin dapat sundin ang mga kalakaran ng mundo! Ang batas ay hindi kumakatawan sa katotohanan—ang Diyos lang ang katotohanan, at ang Diyos ay pinakamataas. Nagpapasakop lang kami sa katotohanan at sa Diyos!” Bagaman tama ang pahayag na ito, nabubuhay ka pa rin sa mundong ito at kailangang pangasiwaan ang maraming realistikong isyu. Samakatwid, hindi mo maaaring labagin ang batas, at hindi mo maaaring labagin ang mga katotohanang prinsipyo. Ang pangingibabaw ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan; hindi ito isang dahilan para magsagawa ka ng mga ilegal na gawain o kumilos nang despotiko sa lipunan, gawin kung anumang gustuhin mo, at magdulot ng kaguluhan sa lahat ng dako. Hindi kailanman hinikayat o hiningi ng Diyos sa sinuman na labagin ang batas sa paggawa ng anumang bagay, kundi sinasabi sa iyong sundin ang batas at sumunod sa mga panlipunang panuntunan, na kapag nilabag mo ang batas at naparusahan, dapat mong tanggapin ang parusa, at huwag magdulot ng isyu o magdulot ng kaguluhan. Kung palagi kang nagdudulot ng kaguluhan, palaging iniisip na dahil nananampalataya ka sa Diyos, may Diyos na sumusuporta sa iyo, kaya’t wala kang kinatatakutan, sasabihin Ko sa iyo, mali ka! Hindi sinusuportahan ng Diyos ang iyong kawalang takot sa pagharap sa lahat ng bagay, at hindi magbabayad ang sambahayan ng Diyos para sa pansalbahe mong lohika. Huwag na huwag mong iisipin na dahil lang maraming tao sa sambahayan ng Diyos at may malaking impluwensiya ito, maaari mo nang gawin ang anumang gustuhin mong gawin. Kung ganito ka mag-isip, mali ka. Ito ang lohika ng Satanas. Hindi kailanman sinabi ng sambahayan ng Diyos ang gayong bagay, at hindi rin ng Diyos. Hindi hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang sinuman na kumilos nang ganito. Totoo na may maraming tao ang sambahayan ng Diyos, pero ang bilang ng mga tao—marami man o kakaunti—ay hindi para suportahan ang sinuman, palakasin ang loob ninuman, o protektahan ang sinuman mula sa kaguluhan at ayusin ang lahat. Pinipili ng Diyos ang mga tao para sumunod sila sa Kanya at sumunod sa kalooban Niya, para makasapat sila sa pamantayan bilang mga nilikha at matupad ang tungkulin ng mga nilikha. Hindi ito para kalabanin mo ang mundo, hindi ito para magsabi ka ng magagarbong ideya sa mundo, at tiyak na hindi ito para turuan mo ng leksyon ang mundo. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pagsalungat sa agos; wala itong kinalaman sa pagsalungat sa agos o paghamak sa mundo. Kaya, huwag mong maling unawain ang mga layunin ng Diyos para sa tao, at huwag mong maling pakahulugan o maling unawain ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos. Ano ang pakay ng Diyos sa paghirang sa mga tao? (Ito ay para ang mga tao ay sumunod sa Diyos, sumunod sa kalooban ng Diyos, at gawin ang tungkulin ng mga nilikha.) Pinipili ng Diyos ang mga tao para makamit ang mga ito, para makamit ang tunay na mga nilikha, para makamit ang mga tao na tunay na sumasamba sa Diyos; ito ay para lumitaw ang isang bagong sangkatauhan, isang sangkatauhan na makasasamba sa Diyos. Ang pakay ng Diyos sa pagpili ng mga tao ay hindi para kalabanin ng mga ito ang mundong ito o ang sangkatauhan. Kaya, hangga’t maaari ay dapat ilayo iyong mga mahilig magdulot ng kaguluhan sa iglesia at sa mga lugar kung saan ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila, para maiwasang maapektuhan ang pagganap ng tungkulin ng iba.

Tungkol naman sa mga mga mahilig magdulot ng kaguluhan, anuman ang uri ng kaguluhan na idinudulot nila, kung nagdudulot ito ng kaguluhan sa iglesia at nakaaapekto sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, ang mga lider at manggagawa ay dapat kumilos at lutasin ang isyu. Ganap na hindi ito dapat pabayaan. Dapat kaagad nilang maunawaan at maarok ang sitwasyon, linawin ang ugat ng problema, at pagkatapos ay maglabas ng makatwirang solusyon at pangasiwaan ito. Bakit dapat itong pangasiwaan? Una, dahil ang mga kaguluhang ito ay makaaapekto sa gawain ng iglesia, buhay-iglesia, o sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid. Pangalawa, nakikita man ng iba ang mga indibidwal na ito na mahilig magdulot ng kaguluhan bilang talentado o bilang mga tamad o mga salbahe, basta't nagdudulot sila ng kaguluhan, dapat kaagad silang pangasiwaan. Kaya paano sila dapat pangasiwaan? Hindi ito tungkol sa pangangasiwa sa kaguluhan, kundi sa pangangasiwa sa mga taong responsable sa pagdudulot nito. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa iglesia, ang ugat ng kaguluhan ay malulutas, at ang isyu sa gayon ay mapapangasiwaan. Hinding-hindi ka dapat maging maluwag sa kanila dahil lang sa tingin mo ay may kakayahan o may talento ang ilang tao na mahilig magdulot ng kaguluhan. Kung kaya mong maging maluwag sa kanila, isa ka talagang tao na may magulong isip at hindi angkop na maging lider sa iglesia, at dapat kang alisin ng mga kapatid mula sa iyong posisyon. Kung hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at hindi pinoprotektahan ang mga kapatid, kundi sa halip ay pinoprotektahan mo ang masasamang tao at mga manggugulo, iniidolo pa nga sila nang sobra, tinatrato sila bilang mararangal na panauhin at mahuhusay na indibidwal, iniisip na sila ay mga talentadong tao na bihira makita sa iglesia, ginagamit sila sa mahahalagang gampanin, at inaayos pa nga ang mga kaguluhan para sa kanila—ganap na hindi ka karapat-dapat para sa papel ng lider ng iglesia. Isa kang tao na may malabong isip at isang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag. Kung ang isang lider ng iglesia ay tumangging makinig sa payo at iginigiit na protektahan ang isang masamang tao na mahilig magdulot ng kaguluhan o ginagamit ang mga ito sa mahahalagang gampanin, hindi lang dapat alisin ng mga kapatid ang lider kundi ibukod din ito kasama ng taong iyon na mahilig magdulot ng kaguluhan at paalisin sila. Hindi ba’t iniidolo mo ang tao na nagdudulot ng kaguluhan? Pakiramdam niya ay protektado mo rin siya, at magkasundong-magkasundo kayo—puwes kung ganoon, pasensya na, pero pareho kayong kailangang umalis. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman sa inyo! Kung may mga tao sa iglesia na mahilig magdulot ng kaguluhan, at walang alam ng mga nakatataas na lider, habang ang lider ng iglesia naman ay magulo ang isip at walang pagkilatis, ang mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan ang dapat kumilos para lutasin ang isyu. Una, dapat nilang kaagad na iulat ang usapin sa mga nakatataas na lider. Bukod dito, dapat silang makiisa sa iba pang mga kapatid para magbahaginan at kilatisin ang huwad na lider. Kapag nakumpirma na ito ay isang huwad na lider, dapat itong tanggalin o alisin, at maghalal ng isang bagong lider—isang taong kayang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang buhay-iglesia. Angkop ba ang ganitong pagsasagawa? (Oo.) Magkasamang paalisin ang lider ng iglesiang ito at ang taong mahilig magdulot ng kaguluhan. Hindi ba’t sila ay dalawang tao na magkasundong-magkasundo dahil sa kanilang pinagsasaluhang ubod ng samang katangian, kinaiinggitan at hinahangaan ang isa’t isa? Kung gayon, pagbigyan ang kahilingan nila at hayaan silang bumalik sa mundo nang magkasama—hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang mga taong kagaya nila. Kung mananatili sila sa iglesia, magdudulot at lilikha lang sila ng kaguluhan, magdudulot ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Dapat silang paalisin. Saanman nila gustong pumunta at gaano kalaking gulo man ang gusto nilang idulot ay sarili na nilang problema. Sa anumang kaso, wala na itong kaugnayan sa iglesia at hindi na madadamay ang iglesia. Hindi ba niyon malulutas ang isyu? (Oo.) Medyo mabuti ang solusyong ito. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikalabindalawang pagpapamalas, hinggil sa mga taong mahilig magdulot ng kaguluhan.

M. Pagkakaroon ng Isang Komplikadong Pinagmulan

Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagkakaroon ng komplikadong pinagmulan. Anu-anong uri ng mga tao ang sa palagay ninyo ay may komplikadong pinagmulan? (May ilang tao na sangkot sa parehong kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat, at medyo komplikado ang mga panlipunang pinagmulan nila—pumapasok ba sila sa kategoryang ito?) Kapag pinag-uusapan natin ang komplikadong pinagmulan, tiyak na tinutukoy natin ang mga taong maalam sa mundo. Ano ang karaniwang ugali ng mga taong maalam sa mundo? Iyon ay na umuupo sila, kinukrus ang mga binti, at nagsisimulang magsalita nang walang tigil; dumadada sila nang dumadada tungkol sa lahat ng bagay, at nagagawang sumatsat nang sumatsat tungkol sa mga pambansa at pandaigdigang pangyayari, pero wala ni isang salitang sinasabi nila ang totoo—ang lahat ng ito ay malalaking salita na gawa-gawa o kathang-isip lang. Hindi lang naman iyong mga hambog ang may mga komplikadong pinagmulan sa lipunan. Ang mga hambog ay maaaring mga tamad lang, at mga karaniwang tao lang—saanman sila magpunta, nagyayabang sila, nagsasalita tungkol sa matatayog at hindi makatotohanang bagay para ilihis ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga tao sa kanila, at hindi nagtatagal bago nasisira ang reputasyon nila. Anong uri ng mga tao ang may mga komplikadong pinagmulan? Halimbawa, may mga taong sumasali sa isang partido politikal sa lipunan, pero pagkatapos sumubok ng ilang taon, hindi sila nagkakamit ng anumang katayuan. Pagkatapos, sumasali sila sa ibang partido, at sa wakas ay nakakukuha sila ng posisyon bilang isang maliit na lider o opisyal. Mayroon silang partikular na mga komplikadong koneksiyong panlipunan. Walang sinumang tiyak na makapagsasabi kung kaibigan nila o kaaway ang mga taong nakasasalamuha nila—hindi alam maging ng pamilya nila, sila lang ang nakaaalam. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay may mga komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga taong ito ay may mga komplikadong pinagmulang politikal. Ngayon ay sinuportahan nila ang partidong ito, bukas ay susuportahan nila ang isang iyon; ngayon ay sinusuportahan nila ang isang tao para sa halalan, at bukas ay susuportahan nila ang iba pa. Sa madaling salita, walang nakaaalam kung ano talaga ang iniisip nila. Hindi nila sinasabi sa mga karaniwang tao kung sino talaga ang sinuportahan nila, o kung ano talaga ang paninindigang politikal o mga layong politikal nila; partikular na malihim sila tungkol sa mga bagay na ito, at ang mga karaniwang tao—maging ang mga pamilya nila—ay hindi alam ang mga bagay na ito tungkol sa kanila. Gayumpaman, lalong masidhi sila tungkol sa politika, at may ilan silang kakilala at alam na ilang tao sa politikal na entablado; iyon lang ay, sa ngayon, hindi pa nila natutupad ang mga ambisyon nila. Pagkatapos pumasok ng ganitong uri ng tao sa iglesia, nakikita nila na ang mga kapatid ay mga ordinaryong tao lang na hindi nakauunawa o hindi nakikisasangkot sa politika, at sa puso nila, hinahamak nila iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, gusto nila palaging samantalahin ang katanyagan ng iglesia sa relihiyosong mundo at sa lipunan, o samantalahin ang impluwensya ng iglesia para gawin ang gusto nila, para tugunan ang labis na mga pagnanais nila o lubusang maisakatuparan ang mga ambisyong politikal nila—ibig sabihin, gusto nilang magtago sa loob ng iglesia at hintayin ang tamang pagkakataon, para magamit nila ang komunidad ng iglesia o mga partikular na tao, pangyayari, at bagay sa loob ng iglesia para tuparin ang mga pampolitikang layon nila. Maituturing ba ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga kaisipan, mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin, iba't ibang taktika, at mga estratehiya at pamamaraan sa pagsasalita na ginagamit ng mga taong kasangkot sa politika ay mga bagay na hindi makikilatis ng mga karaniwang tao. Sa partikular, hindi makikilatis ang mga ito ng mga kabataan o iyong mga walang karanasang panlipunan. Para sa mga taong ito na may komplikadong pinagmulang politikal, iyong mga walang kaalaman sa politika ay mga laruan sa mga kamay nila, at talagang mababa ang tingin nila sa gayong mga tao. Para magbigay ng hindi tumpak na halimbawa, sa kaharian ng mga hayop, ang pinakatusong mga nilalang ay ang mga ahas, soro, at tigre. Mula sa perspektiba ng mga ito, ang mga hayop tulad ng mga tupa, kuneho, usa, at aso ay mga hangal. Tinitingnan ng mga taong may mga politikal na pinagmulan ang karamihan sa mga kapatid sa parehong paraan na tinitingnan ng matatalinong hayop tulad ng soro at ahas ang mga walang muwang na hayop tulad ng mga tupa, usa, at aso. Nakikita nila nang malinaw ang mga kapatid, pero hindi sila kayang makilatis ng mga kapatid. Kaya paano natin makikilatis ang mga taong may komplikadong pinagmulang politikal? Nakatuon ang puso niyong mga nasasangkot sa politika sa politika at kapangyarihan. Hangga’t gusto nila ang kapangyarihan at pagiging sangkot sa politika, balang araw ay makikilahok sila sa politika; hindi sila makakapanatiling nakatago sa iglesia magpakailanman. Kapag nalantad nila ang sarili nila, mauunawaan mo: “Ah, nananampalataya pala sila sa Diyos para sa mga pampolitikang layunin! Mayroon silang politikal na pinagmulan at hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos. May iba silang adyenda sa pananampalataya sa Diyos!” Kapag unang pumapasok ang mga taong iyon sa iglesia, mahusay nilang itinatago ang sarili nila, dumadalo sa mga pagtitipon at ginagawa ang tungkulin nila nang normal. Pero pagdating ng tamang pagkakataon, sinusubukan nilang gamitin ang iglesia para gawin ang gusto nila, at ang labis nilang pagnanais at tunay na mukha ay natural na malalantad. Tanging noon lang makikita ng mga kapatid na sila ay mga hindi mananampalataya. Kapag nalalantad sila, nagiging napakadaling makilatis sila. Halimbawa, kapag ang isang lobo ay nagbabalatkayong tupa at humahalo sa kawan, maaaring hindi mo makilatis kung isa itong lobo o tupa, pero kapag nagsimula na itong kumain ng mga tupa, makikilatis mo na isa itong lobo. Iyong mga taong sangkot sa politika ay lahat mga hindi mananampalataya na nakasalisi sa iglesia. Kapag sinubukan ng mga taong ito na ilihis at hikayatin ang mga kapatid na sumali sa isang partido politikal at makilahok sa politika kasama nila, makikita mo na huwad ang pananampalataya nila sa Diyos, at na ang tunay na layon nila ay makilahok sa politika—gaano man kakomplikado ang pinagmulan nila, lilitaw ito at malalantad. Sa puntong ito, makikilatis sila ng mga tao. Isa itong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan—mga tao na may komplikadong pinagmulang politikal.

May isa pang uri ng tao na nabibilang sa kategorya niyong may mga komplikadong pinagmulan. May ilang tao sa lipunan ang hindi nananatili sa nararapat nilang lugar at hindi namumuhay nang disente, kundi sa halip ay gustong makisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal. Ang mga indibidwal na ito ay kinabibilangan, halimbawa, niyong mga gumagawa ng pamemeke at panlilinlang o mga kasapi ng ilegal na mundo; iyong mga may katayuan, kasikatan, at prestihiyo sa lipunan, na sa panlabas ay mga opisyal ng pamahalaan o mga negosyante, pero palaging palihim ay nagsasagawa ng ilegal at kriminal na mga gawain, nakikipagsabwatan sa partikular na mga opisyal o miyembro ng kriminal na mundo para magpuslit ng mga baril, droga, o iba pang mga kontrabandong ipinagbabawal ng estado; pati na rin iyong mga nahatulan at nakulong nang maraming beses at nakagawa ng ilang masamang gawa, tulad ng pagnanakaw sa mga libingan, panggagahasa, seksuwal na pang-aabuso, o mga taong sangkot pa nga sa human trafficking o human smuggling. Ang mga ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ay nakikisalamuha sa mga ganitong uri ng indibidwal at mayroon pa silang malalapit na ugnayan sa mga ito—tinatawag nila ang isa’t isa na “mga kapatid,” at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay para sa isa’t isa. Sa panlabas, hindi gumagawa ng anumang halatang masasamang gawa ang mga taong ito, at hindi sila nang-uumit, nagnanakaw, pumapatay, o nagsisimula ng mga sunog, pero ang mga grupong nakasasalamuha nila at ang mga lipunang ginagalawan nila ay pawang binubuo ng mga hindi disenteng indibidwal. Hindi ba’t nakatatakot din ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Nakikipagsosyo sila sa mga indibidwal na ito para mamuhunan sa negosyo, at kapag may ginagawang ilegal ang kasosyo nila at kinakailangan ang tulong nila, nagbibigay sila ng suporta. Bagaman maaaring hindi sila ang pangunahing maysala, mga kasabwat sila. Masasabi mo na madalas hinahamon ng ganitong uri ang mga hangganan ng batas. Ano ang ibig sabihin ng “hinahamon ang mga hangganan ng batas?” (Ibig sabihin nito ay madalas silang gumagawa ng mga gawain na maaaring lumalabag sa batas.) Isang aspekto iyon. Bukod pa rito, madalas nilang samantalahin ang mga puwang sa batas, at ang mga bagay na kinasasangkutan nila ay pawang malalaking usapin. Kung sakaling mahuli sila, kahit bilang isang kasabwat, maaari silang hatulan ng 10 o 20 taon ng pagkakabilanggo, o pagmultahin nang malaki. Hindi mo ba masasabi na mapanggulo ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Hindi mo sila kailanman nakitang gumagawa ng mga halatang masamang gawa, at hindi mo sila nakitang pumatay, magsimula ng sunog, o mandaya o mamaratang sa sinuman, pero kapag iyong mga tao na nangungurakot at lumalabag sa batas sa parehong kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat, ay nagsasagawa ng mga ilegal na gawain para kumita ng malaking pera, ang ganitong uri ng tao ay kumukuha rin ng bahagi nila sa nakaw na yaman at nakikinabang. Masasabi ninyo ba na ang ganitong uri ng tao ay may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Magiging mabuting bagay ba para sa gayong mga tao na manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Nakikisalamuha sila sa parehong kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat, at hindi lang iyon, nagsasagawa pa sila ng mga ilegal na gawain—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Kung nakikisalamuha sila sa ilang opisyal ng pamahalaan, at nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sila sa mga ito sa normal na paraan, katanggap-tanggap iyon. Gayumpaman, kung ang mga taong nakasasalamuha nila ay mga negatibong karakter na sangkot sa iba’t ibang ilegal at kriminal na gawain, malaking problema iyon, at balang araw, may mangyayaring mali. Ang ganitong uri ng tao ay mahilig makisalamuha sa mga taong iyon; nakikisakay rin sila sa tagumpay ng iba, umaasa sa impluwensiya ng mga iyon para kumita ng pera, yumaman, at mamuhay nang matiwasay. Maituturing ba silang mabuting tao, kung ganoon? (Hindi.) Madalas sinasabi ng mga tao, “Nagsasama-sama ang mga ibong magkakatulad ang balahibo”—nagagawa nilang makisalamuha sa parehong mga miyembro ng kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat, sa palagay mo ba mga disenteng tao sila na nananatili sa nararapat nilang lugar? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakikisalamuha sila sa mga indibidwal na iyon, sa isang banda, dahil marahil may silbi sila sa mga taong iyon—naaasikaso nila ang ilang gawain para sa mga taong nakasasalamuha nila. Sa isa pang banda, ito ay dahil gusto nila ang mga taong nakasasalamuha nila mula sa parehong kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat—ang mga kasanayan, kakayahan, at impluwensiya ng mga taong iyon, at ang mga benepisyo na idinudulot ng mga iyon sa kanila, ay mga bagay na kailangan nila at mga bagay na ikinasisiya nila. Kaya, anong uri sila ng tao? (Hindi sila isang disenteng tao.) Ganito lang natin ito mailalarawan. Kauri sila ng mga taong nakasasalamuha nila—ginagamit nilang lahat ang isa’t isa. Sa mundong ito, hindi marami ang mga tao na makagagawa ng mga bagay-bagay para sa iyo o ganap na makapagtatapat sa iyo at magiging mga kaibigan mo, pero umiiral talaga sila—hindi na kailangang makisalamuha sa gayong mga uri ng tao. Ang ganitong uri ng tao ay nakikisalamuha sa mga kanila, sa isang banda, dahil magkasundong-magkasundo sila dahil sa pinagsasaluhan nilang mga ubod ng samang katangian at dahil mga ibon silang magkakapareho ng balahibo. Sa isa pang banda, ito ay dahil gagawin ng taong ito ang lahat para sa kapakanan ng mga sarili niyang interes at kanyang pananatiling ligtas sa sekular na mundo, at wala talaga siyang prinsipyo pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao, ni wala siyang mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa niya. Sinasabi pa nga ng mga walang pananampalataya, “Ang isang maginoo ay mahilig sa kayamanan pero kinakamit ito sa tamang paraan,” at sinusunod ito bilang isang pinakamababang pamantayan. Makapamumuhay man sila sa pinakamababang pamantayan na ito o hindi, sa anumang kaso, mabibilang ito bilang isang medyo marangal na pilosopiya para sa pananatiling buhay sa sangkatauhan. Gayumpaman, ang mga ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ay, para sa kapakanan ng sarili nilang mga interes at pagtatamo ng kita, ay walang prinsipyo at walang pagpili pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao—basta’t makapagkakamit sila ng mga pakinabang mula rito, makikisalamuha sila sa sinuman. Higit pa rito, ipinagmamalaki nila ang kakayahan nilang makisalamuha sa gayong mga tao, at iniisip na mahusay ang mga pamamaraang ginagamit nila sa pakikisalamuha sa mga tao. Kaya, paano natin dapat tingnan ang ganitong uri ng tao? Nasasangkot sila sa parehong kriminal na mundo at mga lehitimong pangkat—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Ang ganitong uri ng tao ay nakakatakot! Totoo ba ang ipinakikita nilang mukha? Hindi, palagi silang nakasuot ng maskara. Hinding-hindi mo sila makikilatis o malalaman ang iniisip nila sa loob. Nagsusuot sila ng maskara kapag nakikisalamuha sila sa iyo, at nagkukubli pa nga sila sa mga mananampalataya ng Diyos. Para lang itong isang diyablong nakikihalo sa isang grupo ng tao, o isang soro o lobo na sumasalisi sa kawan ng mga tupa. Nakapagbibigay ba iyon sa iyo ng pakiramdam ng kaligtasan? (Hindi.) Bakit nasasabi mo iyon? Batay ito sa kanilang tuso, malupit, at buktot na kalikasan; patuloy silang nagpapakana laban sa iyo—para bang palaging may pares ng mga malisyosong mata sa likod mo, binabantayan ang bawat mong galaw—at naghihintay lang sila ng pagkakataon para sirain at lamunin ka. Hindi ba't nakakatakot iyon? (Oo.) Ang pakiramdam na ibinibigay ng ganitong uri ng tao sa iyo ay hindi kailanman kaligtasan, dahil ang kalikasan at pinagmulan nila ay palaging nagbabanta sa iyo. Anong uri ng banta? Ito ay na kapag malapit sila sa iyo, palagi mong mararamdamang maaari silang magpakana laban sa iyo, paglaruan ka, at maglagay ng mga patibong para sa iyo anumang oras at saanmang lugar, at na hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka nila magagamit o mapipinsala, at hahantong sa kamatayan sa mga kamay nila o masisira dahil sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga tao ay hinding-hindi dapat na panatilihing malapit sa iyo. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganito ang mga bagay-bagay? (Ganoon nga) Halimbawa, ang paglalagay ba ng lobo sa kawan ng mga tupa ay magpoprotekta sa mga tupa o magdudulot sa mga ito ng kapahamakan? (Magdudulot ito ng kapahamakan sa mga ito.) Ayon sa kalikasan ng isang lobo, hindi ito kailanman mananatili sa tabi ng mga tupa at poprotektahan ang kaligtasan ng mga ito, dahil sa isipan nito, pagkain nito ang mga tupa, at kapag nagutom ito kailanman o saanman, kakainin nito ang mga tupa; wala itong awa para sa mga tupa at hindi nito palalampasin ang mga ito. Ang isang lobo ay walang kakayahan ng sa isang aso. Kung lumaki ang isang aso kasama ng mga tupa, itinuturing nito ang mga tupa bilang isang bagay na dapat protektahan, at kapag dumating ang isang lobo para atakihin o kainin ang mga tupa, kikilos ang aso para lumaban, inaako ang responsabilidad ng pagprotekta sa mga tupa bilang tungkuling dapat nitong gampanan—sadyang may likas na katangiang ito ang mga aso. Pero iba ang mga lobo; likas na katangian ng mga lobo ang gustong kumain ng mga tupa. Kapag sumasali ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan sa iglesia, katulad ito sa isang lobo na sumasalisi sa kawan ng mga tupa—kapag hindi gutom ang lobo, maaaring hindi ito magdulot ng panganib sa tupa, pero kapag nagutom na, tiyak na magiging pagkain nito ang mga tupa, at walang sinumang makapagbabago sa katunayang ito. Tinutukoy ito ng kalikasan nito. Para lutasin ang problema ng lobo na kumakain sa mga tupa, dapat magmadali kang tukuyin ang lobo. Kapag natukoy mo na kung sino ang lobo na nakadamit-tupa, dapat mong kaagad na alisin ito—huwag mag-atubili at huwag itong pakitaan ng anumang awa. Ang mga ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ay dapat tratuhin nang maingat. Kung matutuklasan mo na gumagawa sila ng kasamaan at nanggugulo sa iglesia, hinding-hindi mo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Dapat mong sabihin sa kanila: “Isa kang tao na maalam sa mundo at hindi ka angkop sa pananampalataya sa Diyos. Pinili mo ang maling lugar sa pagdating mo sa sambahayan ng Diyos; hindi tama ang lugar na ito para sa iyo. Dapat mong hangarin ang sarili mong kinabukasan sa lipunan. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay nagbabasa lang ng mga salita ng Diyos, nagbabahaginan ng katotohanan, at gumagawa ng tungkulin nila para mapalugod ng Diyos; hindi sila nakikisali sa mga sabwatan at pakana sa politika. Dito, hindi ka makaaangat ng ranggo o yayaman, o makapamumuhay ng isang buhay na superyor kaysa sa iba. Kahit gaano ka pa katagal manatili rito, magiging sayang na oras lang ito.” Sa ganitong paraan, mahihikayat silang umalis, tama? (Oo.) Ang ilang tao na may komplikadong koneksiyong panlipunan ay hindi naman talaga masasamang tao, ni hindi sila nakagawa ng malaking kasamaan, pero hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at tunay na nabibilang sila sa kategorya ng mga hindi mananampalataya. Ang pagsubok na tunay na mapanampalataya ang gayong mga tao sa Diyos at mapaghangad ng katotohanan ay parang pagsubok na gawing tupa ang isang lobo—imposible ito. Gaano katagal pa mang magsuot ng damit ng tupa ang isang lobo, mananatili itong lobo; hindi ito kailanman magiging isang tupa. Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Kaya, ang pananampalataya ng ganitong mga tao sa Diyos ay isang biro lang; maling landas ang tinatahak nila sa pananampalataya nila sa Diyos!

May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan. Bagaman nananampalataya sila sa Diyos, may malalapit silang relasyon sa ilang relihiyosong lider, mga opisyal, o mga taong may katayuan mula sa iba't ibang denominasyon. Gustong-gusto nilang nakikisalamuha sa mga taong ito at madalas silang dumadalo sa mga gawaing panrelihiyon ng iba't ibang relihiyon; bumubuo sila ng mga koneksiyon at pakikipagkaibigan sa mga taong ito, at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa isa’t isa. Paminsan-minsan, sadya man o hindi sinasadya, nagsisiwalat pa nga sila ng partikular na mga pangkalahatang gawain o gawain ng mga tauhan na panloob sa iglesia sa mga indibidwal na ito. Napakaproblematikong isyu nito. Kung nakikisalamuha ka lang sa mga tao sa relihiyon o nahihirapang ihiwalay ang sarili mo mula sa mga lugar na iyon ng relihiyon, at gusto mo ring nakikibahagi sa iba't ibang gawain ng mga relihiyosong pagdiriwang at mga relihiyosong seremonya, katanggap-tanggap ito. Gayumpaman, hindi mo dapat isiwalat ang gawain ng iglesia o impormasyon tungkol sa mga kapatid sa mga ganitong tagpo. Halimbawa, hindi mo dapat isiwalat ang mga usapin tulad pagtanggap ng isang partikular na tao sa “Kidlat ng Silangan,” kung anong tungkulin ang ginagawa nila sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, saan sila nakatira, at kanino sila madakas na nakikisalamuha—kung isisiwalat mo ang mga bagay na ito, ipinapakita nito na ikaw ay napaka imoral. Kung may isang tao na mag-uulat ng impormasyong ito sa pamahalaan, hindi maipaliliwanag ang magiging mga kahihinatnan. Kung napakalapit mo sa mga tao sa relihiyon, o may kaugnay na mga interes sa kanila o nakipagpalitan ng pabor sa kanila, sa pinakamalala, maituturing ito na pagkakaroon mo ng komplikadong pinagmulan. Gayumpaman, kung palihim kang gumagawa ng ibang bagay, tulad ng pagsisiwalat ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o pagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng sambahayan ng Diyos o personal na impormasyon ng mga kapatid, ang kalikasan nito ay nagiging pagkakanulo, at ito ay kinokondena. Sa partikular, may ilang kapatid na ayaw malaman ng iba ang sitwasyon nila o maisiwalat ito, dahil nahuli na sila dati o kasalukuyang nasa wanted list, pero tinitingnan ng ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ang impormasyong ito bilang isang bagay na ipagpapalit para sa ilang kapakinabangan o basta tinitingnan ito bilang hindi mahalaga, at isinisiwalat ito, nagdudulot ng problema para sa mga kapatid na iyon. Kung matutuklasan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga usapin, hinding-hindi talaga nito mapalalampas ang taong iyon; dapat kaagad alisin ang gayong mga tao. Sa kontekstong panlipunan kung saan ang mga tao ay inuusig dahil sa pananampalataya sa Diyos, mahirap para sa mga mananampalataya na makuha maging ang pagkakataon para gawin ang isang tungkulin, at talagang pinahahalagahan ito ng bawat tao. Walang sinumang may gusto na magkaroon ng mga potensiyal na panganib ang pagganap nila ng tungkulin nila dahil sa iba o dahil sa sarili nilang kamangmangan. Kaya, kung may sinumang magdadala ng mga potensiyal na panganib sa pagganap ng mga kapatid sa mga tungkulin o sa pansariling kaligtasan ng mga ito, o kung may sinumang maglalagay ng mga hadlang sa landas ng iba sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila palalampasin ng sambahayan ng Diyos. Kapag natuklasan sila ng sambahayan ng Diyos, kaagad silang paaalisin o patatalsikin, at hinding-hindi ito magpipigil! Kung ipagtatanggol nila ang sarili nila, lumilikha ng mga katwiran at palusot sa pagsasabing, “Panandaliang pagkakamali lang ito sa pagsasalita, dahil hindi ko pinagtuunan ng pansin,” hinding-hindi mo dapat paniwalaan ito—walang katuturan ang mga ganitong palusot. Bakit hindi nila sinabi sa mga tao ang tungkol sa mga sariling usapin sa pamilya? Bakit sa halip ay pinag-uusapan nila ang tungkol sa mga pangyayari ng mga kapatid? Malinaw na nagkikimkim sila ng masasamang layunin. Isinisiwalat nila ang gawain ng iglesia at impormasyon tungkol sa mga kapatid; kung nagdudulot ito ng problema sa mga kapatid, dapat silang isumpa! Hindi ba’t dapat sumpain ang mga ganitong tao? (Oo.) Sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng iglesia, hindi maiiwasang may ganitong mga tao na sasali sa iglesia. Wala silang pag-aalinlangan sa pagtataksil sa iglesia, pinagtataksilan ang mga kapatid, at ipinagkakanulo maging ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakikisalamuha sila sa iba't ibang uri ng tao sa pribado, at ang pakay nila sa pakikisalamuha sa mga ito ay hindi dalisay. Sa pakikipag-ugnayan sa mga taong iyon, walang tigil pa nga sila sa pagsasalita, sinasabi sa mga iyon ang lahat ng nalalaman nilang impormasyon tungkol sa iglesia, walang inililihim na kahit ano, at sa huli ay nagdudulot ng problema sa mga kapatid at sa iglesia. Dapat sisihin dito ang mga taong nagsasalita nang walang isip. Maaaring sabihin ng ilan sa kanila na hindi nila ito sinasadyang gawin, pero kahit hindi ito sinasadya, hindi niyon ginagawa itong katanggap-tanggap. Kung hindi ito sadya, bakit hindi na lang sarili mo ang sinaktan mo? Bakit iba lang ang sinasaktan mo? Nagdulot ka ng problema sa iglesia at sa mga kapatid, ito ay isang napatunayang katunayan. Kaya, nasa iyo ang sisi. Kung may pinatay kang isang tao at pagkatapos ay sinabing, “Hindi ko ito sinasadyang gawin; hindi ko sila nilayong patayin—wala akong gayong kaisipan,” idedeklarang ka bang inosente ng batas dahil sa pahayag na iyon? (Hindi.) Kahit pa nagsasabi ka ng katotohanan, magiging walang silbi ito. Ang katunayan ay pumatay ka ng isang tao, at legal na may matibay na ebidensya nito, kaya dapat kang ideklarang nagkasala batay sa mga katunayan. Nagkasala ka ng krimen ng pagpatay, kaya isa kang mamamatay-tao, at walang dami ng pagpapalusot ang makatutulong sa iyo. May ilang tao na madalas magdulot ng problema sa iglesia sa pamamagitan ng mga pagkilos nila, at minsan hindi malaki ang problemang ito, hindi lang nagreresulta sa pagkakaaresto at pagkakakulong ng mga kapatid, kundi seryoso ring nakaaapekto sa gawain ng iglesia. Tiyak na hindi palalampasin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao; patatalsikin nito ang bawat isa na mahuhuli nito, at susumpain nito ang mga ito—hinding-hindi talaga magpipigil ang sambahayan ng Diyos! Kung nangyari ang mga bagay na ito sa Panahon ng Batas, kinaladkad at binugbog na ang masasamang tao hanggang kamatayan gamit ang mga pamalo o pinagbabato hanggang kamatayan; ganoon pinangasiwaan ang gayong mga kaso. Ngayon, dahil hindi ito bahagi ng mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, patatalsikin sila, at magkakasama silang susumpain ng mga kapatid. Wala silang pagkakataon na tumanggap ng mga pagpapala o kaligtasan—dapat silang ipadala sa impyerno at maparusahan!

May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan; pumupunta siya sa iglesia na may mga espesyal na misyong isasakatuparan. May ilang ganitong uri ng tao ang ipinadadala ng mga pamahalaan, habang ang iba naman ay binibigyan ng mga misyon ng mga partikular na grupong relihiyoso o panlipunan. Halimbawa, ang mga misyong ito ay maaaring kapalooban ng pagmamatyag sa mga kapatid, pagmamatyag sa iglesia, o ang pagsisiyasat sa iba't ibang aytem ng gawain ng trabaho ng mga pagsasaayos ng gawain nito mula sa iba't ibang panahon. Anuman ang misyon nila, sa anumang kaso, mula sa ating perspektiba ang ganitong uri ng tao ay may komplikadong pinagmulan. Ang karamihan sa mga taong ito na may komplikadong pinagmulan ay mga hindi mananampalataya; sila ay iyong mga hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Naiiba sila sa iyong mga may kakaunting pananalig, mababang kakayahan, o maraming kuru-kuro—ang mga taong iyon ay tunay na nananampalataya, samantalang may isang seryosong problema ang mga taong ito na may komplikadong pinagmulan. Una, isaalang-alang natin: Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? (Mayroon silang masamang pagkatao, buktot sila, at mga miyembro sila ng gang ni Satanas.) Kaya, anong uri ng mga tao sila? (Mga diyablo sila.) Tama iyan, tumpak ang pagkakasabi mo—mga diyablo sila na sumasalisi sa iglesia. Sila ay mga taong sumasalisi sa iglesia at namumuhay sa mga anino habang nagkikimkim ng iba’t ibang pakana at pakay. Mga diyablo ang gayong mga tao. Mula sa simula kapag pumapasok ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila nagkikimkim ng mabubuting layunin. Sinuman ang nag-atas sa kanila—ang iba ay maaaring kinomisyon ng mga pamahalaan o partikular na mga grupo, samantalang ang iba ay maaaring hindi talaga kinomisyon ng sinuman at gusto lang na sumalisi sa iglesia sa sarili nila—ang gayong mga tao ay pawang mga indibidwal na maalam sa mundo. Nakikipag-ugnayan sila sa maraming uri ng mga tao, at mayroon silang mga komplikadong interpersonal na relasyon at koneksiyong panlipunan—mayroon silang mga komplikadong pinagmulan. Ang ibig sabihin ng “komplikadong pinagmulan” ay na ang kanilang mga panlipunang koneksiyon, interpersonal na relasyon, at mga kapaligirang pinamumuhayan ay partikular na marumi at malayo sa pagiging simple; hindi sila katulad ng mga ordinaryong tao na sumusubok lang na kumita ng pera at mamuhay nang maayos. Ang mga papel na ginagampanan ng mga taong ito sa lipunan ay sa mga namumukod-tangi, mga lider, o mga medyo pambihirang indibidwal sa iba't ibang pangkat at grupo—sila ang mga uri ng mga tao na tinutukoy ng mga walang pananampalataya na “mahuhusay na indibidwal” o mga “guru.” Nasaan man sila, hindi sila mga tao na nananatili sa nararapat nilang lugar, at hindi sila mga disenteng tao. Naghahanap man sila ng mga pagkakataon para magkamit ng personal na pakinabang, kapangyarihan, o kontrol sa iba sa loob ng iba't ibang grupo at pangkat, ito ang pakay nila, at ito ang layunin ng kanilang pag-iral. Saanmang iglesia sila naroroon, ang pag-iisip nila ay tulad nang sa isang diyablo, palaging nangangating kumilos, gustong kontrolin ang mga sitwasyon, kontrolin ang mga tao, kontrolin ang pera, at gumamit ng kapangyarihan. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao. Kaya, may misyon man ang gayong mga tao, o inatasan man sila ng pamahalaan o ng anumang panlipunang grupo, hindi posibleng makapapanatili sila sa nararapat nilang lugar pagkatapos dumating sa iglesia. Kahit na wala silang misyon, at kahit na ang iglesia o ang mga kapatid ay hindi mga target ng pananamantala nila, hindi sila mga tao na tunay na gustong manampalataya sa Diyos, at tiyak na hindi sila mga tao na nananampalataya sa pag-iral ng Diyos. Ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay hindi talaga dalisay—kahit papaano, isang bagay ang napaka-realistiko para sa kanila, ang “pakikisakay sa tagumpay ng iglesia” at paghihintay ng pagkakataon para maisakatuparan ang mga sarili nilang adyenda. Kung mabibigo silang makamit ang mga layon nila at mabibigo ang mga pagnanais nila, malamang sa iiwan nila ang iglesia anumang oras. Naghahanap sila ng mga pagkakataon sa pamamagitan ng paghihintay sa tamang sandali para kumilos—kung may isang tao na masasamantala nila o isang angkop na sandali na magpapahintulot sa kanilang maisakatuparan ang mga layon, ambisyon, o aspirasyon nila, hinding-hindi nila hahayaan mapalampas ang tao o sandaling iyon. Kung patuloy silang mabibigo na makahanap ng isang pagkakataon, pinanghihinaan sila ng loob at nadidismaya sila, at gusto nilang iwan ang iglesia. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay isa ring uri ng mapanganib na indibidwal sa loob ng iglesia, at dapat siyang makilatis at layuan. Ang isa pang mas mahalagang prinsipyo ay na hindi ka sigurado tungkol sa kung ano ang pinagmulan ng isang tao, o kung medyo nararamdaman mo na napakakomplikado ng pinagmulan nila, bilang isang lider o manggagawa, dapat mong malaman kahit papaano na ang taong ito ay hindi maaaring maitalaga sa mahahalagang posisyon, o mapahintulutang magkaroon ng katayuan o kapangyarihan, o mapahintulutang gumanap ng anumang mahalagang gawain sa loob ng iglesia. Kung hindi mo sila makikilatis, maaari mo silang pagmasdan, pero hinding-hindi ka dapat kumilos nang padalus-dalos o wala sa panahon. Kung bibigyan mo sila ng katayuan o gagawin pa nga silang responsable para sa isang mahalagang bahagi ng gawain bago mo sila makilatis, magiging sobrang hangal ka! Mas hindi mo sila nakikilatis, mas hindi mo sila dapat pagkatiwalaan ng mahalagang gawain, mas maingat ka dapat, at mas dapat mo silang matyagan at mahigpit mo silang bantayan. Sa katunayan, may misyon man sila o wala, ang mga ganitong uri ng tao na may mga komplikadong pinagmulan ay hindi nagtatagal sa iglesia sa huli. Ito ay dahil, sa puso nila, tinatanggihan ng mga hindi mananampalatayang ito ang mga usapin ng pananalig. Ang mga ateista ay hindi nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, at hindi sila interesado sa anumang bagay na may kinalaman sa Diyos, sa gawain ng Diyos, o sa pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Palagi silang nag-iimbestiga: “May kita bang makukuha sa pananampalataya sa diyos? Maaari ba akong kumita ng malaking pera at yumaman mula rito? Magagamit ko ba rito ang mga pakana at panlilinlang sa mundo?” Nakikitang hindi sinusulong ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, kundi sa halip ay palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang tapat na tao, at ang sinuman na pabasta-basta o walang gana sa paggawa ng tungkulin niya ay palaging napupungos, pakiramdam nila ay tinatanggihan sila, at nakararamdam sila ng hindi kasiyahan at kawalang kalayaan sa sambahayan ng Diyos, at gusto nila palaging maghanap ng pagkakataon para umalis. Kung ang isang tao ay tunay na isa sa mga tupa ng Diyos, isa sa mga hinirang ng Diyos, hindi siya magsasawang makinig sa mga katotohanan na madalas tinatalakay sa panahon ng pananampalataya sa Diyos kahit talakayin pa ito sa loob ng 20 o 30 taon; maaaring pakinggan niya ang mga ito habang buhay niya at mananatili pa ring bago sa kanya ang mga ito. Habang nakikinig siya, mas nagiging malinaw ang mga katotohanan sa kanya; mas nakikinig siya, mas napagyayaman ang kanyang puso; mas nakikinig siya, mas nananabik siya sa katotohanan. Kahit pa nakikinig siya sa mga salitang ito araw-araw, magiging handa siyang gawin ito. Sa partikular, kapag narinig niya ang mga patotoong batay sa karanasan na makatutulong sa kanya, nakararamdam siya ng kasayahan at katuparan na para bang nagtamasa siya ng isang malaking piging—mas masaya pa kaysa kung nakapulot siya ng isang piraso ng ginto. Para naman sa mga hindi mananampalataya na ito, ang mga diyablong ito—lalo na ang mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan—mas nakaririnig sila ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, mas naiinis sila; mas nakikinig sila, ma nababalisa at nasusuklam sila sa loob. Kapag naririnig nila ang mga salitang ito, para sa kanila ay nakababagot, walang sigla, at nakapapagod ang mga ito. Kung pauupuin mo sila at papapakinggan ng mga sermon, pakiramdam nila ay pinahihirapan sila. Sinasabi nilang, “Paanong masyado kayong nasisiyahan lahat na marinig ang mga salitang ito, na para bang kumain kayo sa isang malaking piging? Bakit nakararamdam ako ng pag-ayaw kapag naririnig ko ang mga ito?” Pagkatapos makinig nang mahabang panahon, hindi pa rin sila mapirmi ng upo. Kung hindi sila magiging isang lider, ayaw nilang gawin ang tungkulin nila o magtiis ng paghihirap, at sa paglipas ng panahon, walang silbi na ang lahat ng ito para sa kanila; nagsisimulang lumitaw ang mga kaisipan ng pagsuko. Ganito nabubunyag ang mga hindi mananampalataya. Para naman sa mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan, kung sa pagmamasid mo sa kanila ay natuklasan mo na mayroon silang kaduda-dudang pinagmulan at mga komplikadong pinagmulan, sinusubukan nila ang lahat ng posibleng paraan para maghanap ng pagkakataon para hikayatin silang umalis. Para sa gayong mga tao na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, mahalagang gumamit ng kaunting karunungan. Maaari mong sabihin sa kanila, “Gusto mong yumaman, at nangangarap kang maging isang opisyal—talagang magiging kawalan sa iyo kung ipagpapatuloy mo ang buong buhay mo na hindi nagiging isang opisyal! Dapat kang maging isang opisyal, yumaman, at hangarin ang mundo—doon naroon ang mga kongkretong kapakinabangan. May talino ka para sa pagnenegosyo at angkop ka na maging isang opisyal—kung hahangarin mo ang mundo tiyak na yayaman ka at magiging isang opisyal.” Kapag narinig nila ito, iisipin nila na nakahap sila ng isang kasangga at sasabihing, “Tama ka! Nararamdaman ko nang wala na talagang punto sa pananampalataya sa diyos—talagang nangungusap sa akin ang sinabi mo. May sikolohikal na epekto lang talaga ang pananalig; hindi talaga mahalaga kung mayroon ka nito o wala. Maiksi ang buhay—lilipas ang ilang dekada sa isang kisapmata lang. Ang palaging pagsasayang ng oras ko rito kasama ang mga taong nananampalataya sa diyos ay wala namang naibigay sa aking anuman, at palagi akong hindi nasisiyahan. Hindi ba’t nagkakasala lang ako sa sarili ko sa paggawa nito? Ang pag-alis para kumita ng malaking pera ang talagang mahalaga!” Sasang-ayon sila sa sinabi mo. Kapag sumang-ayon sila, marahil isang araw ay kusa na lang silang aalis dahil mararamdaman nilang walang kabuluhan ang manatili sa iglesia, at dahil, bukod pa rito, may mga bagay na nagiging mali para sa kanila, o nakararanas sila ng ilang kabiguan at dagok, at kaunting pagpupungos. Hindi ba’t mahusay iyon? (Oo. Isa itong matalinong pamamaraan.) Madaling paalisin ang mga diyablo sa iglesia: Kapag natukoy mo na ang pag-iisip nila, kung may isang bagay na gusto sila, hikayatin mo silang hangarin ito. Sa ganitong paraan, mahihikayat mo silang umalis. Sumabay sa agos para gabayan silang umalis. Ganito ang pangangasiwa sa ganitong uri ng hindi mananampalataya.

Kung may gayong mga tao na may mga komplikadong pinagmulan na natatagpuan sa iglesia, dapat silang hikayating umalis o kaagad silang paalisin; huwag sila subukang hikayating manatili. Bakit hindi? Una, wala silang magandang papel na ginagampanan sa iglesia; pangalawa, hindi sila kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Bukod pa rito, kahit manatili pa sila sa iglesia, sa huli, magiging imposible para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, o ang pagkastigo at paghatol ng Diyos para makamit ang kaligtasan. Kung mananatili sila sa iglesia, makasasama ito sa gawain ng iglesia, at maaari nilang lihisin at impluwensyahan ang ilang kapatid na may maliliit na tayog. Hindi sila kalugod-lugod para sa mga tao sa sambahayan ng Diyos, at sila rin, ay hindi nalulugod sa mga kapatid sa sambahayan ng Diyos. Sa puso nila, palagi nilang tinitingnan ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid nang may pagkamapanlaban. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, kung may gayong kaaway, gayong kalaban, sa iglesia, mababagabag ba kayo? (Oo.) Kaya, pinakamainam na huwag hikayatin ang gayong mga tao na manatili. Kapag natuklasan sila, kaagad silang hikayating umalis, paalisin sila, o itiwalag sila. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao kung nakatatagpo sa proseso ng pangangaral ng ebanghelyo? (Iwasan lang sila at huwag silang pansinin.) Kapag nakatatagpo mo ang ganitong uri ng tao, hindi ka dapat mangaral ng ebanghelyo sa kanila. Nagsasalita sila sa gayong kagarbo at kawalang batayang paraan at medyo madaldal sila, pero wala talaga silang talento. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan; hindi sila kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kahit magbalik-loob pa sila ngayon, sa bandang huli, kailangan pa rin silang alisin. Kaya, kapag nakatatagpo niyong mga nangangaral ng ebanghelyo ang gayong mga tao, dapat na lang nilang sukuan ang mga ito. Hindi gusto o tinatanggap ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tamang paraan para pangasiwaan ang mga tao na may komplikadong pinagmulan, at ito ang prinsipyo. Siyempre, sa pangangasiwa sa isyung ito, hindi na kailangang palakihin ang mga bagay-bagay; kailangan malinaw ninyong maunawaan kung ang isang tao ay kabilang sa kategorya ng mga tao na may komplikadong pinagmulan. Kung ang mga pagpapamalas niya ay tumutugma sa ganitong uri ng tao, dapat siyang isama sa mga hanay na ito. Pero, kung ang isang tao ay paminsan-minsan lang na nagyayabang o nagsasalita ng walang kabuluhan at dahil sa labis niyang pagmamagaling ay napagkakamalan siyang may isang komplikadong pinagmulan, pero sa katunayan, tapat ang pananampalataya niya sa Diyos at hindi siya kabilang sa kategoryang ito, kinakailangan ng sitwasyong ito ang ibang pagtrato para maiwasang maling maakusahan sa isang mabuting tao.

III. Batay sa Saloobing Mayroon ang Isang Tao Habang Ginagampanan ang Kanyang Tungkulin

Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa pamantayan ng pagkilatis sa mga tao batay sa pagkatao nila. May isa pang pamantayan—ang pagkilatis sa mga tao batay sa saloobing mayroon sila habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Medyo marami na tayong napag-usapan tungkol sa pamantayang ito sa mga naunang sermon, kaya hindi na kinakailangang magsabi pa ng anuman tungkol dito.

Napakahusay. Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa ngayon. Paalam!

Hulyo 6, 2024

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 27

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito