Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 24

Ikalabing-apat na Aytem: Kaagad na Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikatlong Bahagi)

Ang mga Pamantayan at Batayan para sa Pagkilatis ng Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

I. Batay sa Pakay ng Isang Tao sa Pananampalataya sa Diyos

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Batay sa nilalaman ng responsabilidad na ito, ibinuod natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang sitwasyon, at pagkatapos ay kinilatis ang iba’t ibang indibidwal na ito batay sa kanilang mga pagpapamalas. Sa pamamagitan ng pagkilatis sa mga indibidwal na ito, nilayon nating malinaw na matukoy iyong masasamang tao na kailangang kilatisin at paalisin ng sambahayan ng Diyos—ibig sabihin, iyong mga hindi pinahihintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos at iyong mga target na mapaalis. Noong nakaraang dalawang beses, pinagbahaginan natin ang pagkilatis at pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng masasamang tao sa pamamagitan ng tatlong aspekto. Ngayon naman, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa iba’t ibang detalye tungkol sa pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng masasamang tao sa pamamagitan ng tatlong aspektong ito. Una, basahin ang ikalabing-apat na responsabilidad at ang tatlong partikular na kategoryang nakalista rito. (Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.) Una: ang pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos; ikalawa: ang pagkatao ng isang tao; ikatlo: ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin.) Pagkatapos magbasa, naaalala ba ninyo ang ilang pangunahing nilalaman mula sa naunang dalawang pagbabahaginan? (Oo.) Balikan muna natin ang nilalaman ng huli nating pagbabahaginan. (Noong nakaraan, nagbahagi ang Diyos tungkol sa pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, sinasaklawan ang ikaapat hanggang ikawalong punto ng paksang ito: ikaapat, para magsagawa ng oportunismo; ikalima, para mamuhay sa tulong ng iglesia; ikaanim, para maghanap ng kanlungan; ikapito, para maghanap ng tagasuporta; ikawalo, para hangarin ang pampolitikang layunin.) Tinalakay ang limang puntong ito sa huling pagbabahaginan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga pangunahing pagpapamalas at sa naibunyag na mga tiwaling diwa ng limang uring ito ng mga tao, batay sa mga pag-uugali nila at mga layunin nila at mga pakay sa pananampalataya sa Diyos, gayundin sa mga palagi nilang hinihingi sa Diyos, dapat bang ituring ang mga tao na ito na mga kapatid at panatilihin sa iglesia? (Hindi, ang gayong mga tao ay dapat alisin, dahil ang pananampalataya nila sa Diyos ay hindi ang hangarin ang katotohanan o hangarin ang pagliligtas. Lahat sila ay may mga personal na layunin at plano, umaasang makakukuha sila ng mga kalamangan para sa sarili nila at magkakamit ng mga benepisyo sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila mga tao na tunay na nananampalataya sa Diyos; lahat sila ay mga hindi mananampalataya.) Kung hindi paaalisin sa iglesia ang mga hindi mananampalataya, anong kapahamakan ang maaari nilang maidulot sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid? (Hindi sila kumakain o umiinom ng salita ng Diyos o dumaranas ng gawain ng Diyos; nananatili sila sa iglesia nang hindi tinatanggap ang katotohanan. Bukod pa rito, nakapagbubulalas sila ng pagiging negatibo at mga kuru-kuro, at sa gayon ay nagdudulot ng mga panggugulo at panggagambala, at gumaganap ng isang negatibong papel.) Ang mga pagpapamalas na ito ay karaniwang nakikita ng mga tao.

Batay sa mga pagpapamalas ng limang uri ng tao na tinalakay sa huling pagbabahaginan, may pareho bang katangian ang mga taong ito? (Mayroon.) Ano ang pareho nilang katangian? (Lahat ng taong ito ay mga hindi mananampalataya.) (Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi naniniwala sa katotohanan, at hindi interesado sa katotohanan.) Tumutukoy ito sa diwa nila. Dahil hindi sila naniniwala sa katotohanan, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Ang diwa ng mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay sa isang hindi mananampalataya. Ano ang mga tanda ng mga hindi mananampalataya? Nananampalataya sila sa Diyos para lumahok sa oportunismo, para maging palamunin sila ng iglesia, makaiwas sa mga sakuna, makahanap ng suporta at ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan. Ang ilan pa nga sa kanila ay naghahangad ng mga politikal na layon, gustong magkaroon ng koneksiyon sa gobyerno sa pamamagitan ng ilang usapin para magkamit ng pabor at makakuha ng opisyal na katungkulan. Ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya, bawat isa sa kanila. Dala-dala nila ang mga motibo at mga layuning ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at sa puso nila ay hindi sila naniniwala nang may buong katiyakan na mayroong Diyos. Kahit na kinikilala nila Siya, ginagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil ang pananaw na kanilang pinanghahawakan ay mala-ateista. Naniniwala lamang sila sa mga bagay na nakikita nila sa materyal na mundo. Bakit natin sinasabing hindi sila naniniwala na mayroong Diyos? Sapagkat pare-parehas nilang hindi pinaniniwalaan o kinikilala ang mga katunayan na nilikha ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na nang matapos likhain ang sangkatauhan ay pinamunuan at may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kanila. Kaya, imposibleng maniwala sila sa katunayan na pwedeng maging tao ang Diyos. Kung hindi sila naniniwala na pwedeng maging tao ang Diyos, may kakayahan ba silang paniwalaan at kilalanin ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan? (Wala silang kakayahan.) Kung hindi sila naniniwala sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, naniniwala ba silang maililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at naniniwala ba sila sa Kanyang plano ng pamamahala na iligtas ang sangkatauhan? (Hindi sila naniniwala.) Hindi sila naniniwala sa alinman sa mga ito. Ano ang ugat ng kanilang kawalang-paniniwala? Ito ay na hindi sila naniniwala na umiiral ang Diyos. Sila ay mga ateista at materyalista. Naniniwala silang ang mga bagay lamang na nakikita nila sa materyal na mundo ang totoo. Naniniwala sila na ang katanyagan, pakinabang, at katayuan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga pakana at hindi magagandang paraan. Naniniwala silang ang tanging paraan para umunlad at mamuhay nang masaya ay mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Naniniwala silang ang kapalaran nila ay nasa kanilang sariling mga kamay lamang, at na dapat silang umasa sa sarili para makalikha at magtamo ng masayang buhay. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Iniisip nilang kapag umasa sila sa Diyos, hindi sila magkakaroon ng anuman. Panghuli, hindi sila naniniwalang maisasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila naniniwala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kaya naman, ang mga layunin at layon, tulad ng paglahok sa oportunismo, pagiging palamunin ng iglesia, paghahanap ng kanlungan, paghahanap ng tagapagtaguyod, pakikipagkaibigan sa mga taong iba ang kasarian, at paghahangad ng mga politikal na layon—pagkakaroon ng opisyal na posisyon at ng tuloy-tuloy na pinagkakakitaan para sa kanilang sarili, ay lumilitaw sa pananampalataya nila sa Diyos. Dahil mismo ang mga taong ito ay hindi naniniwalang naghahari ang Diyos nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat kaya nagagawa nilang mapangahas at walang prinsipyong pasukin ang iglesia nang may sarili nilang mga layunin at layon, nais nilang gamitin ang kanilang mga talento o tuparin ang kanilang mga kahilingan sa iglesia. Nangangahulugan ito na pinapasok nila ang iglesia para matugunan ang layunin at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala; gusto nilang magkamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sa iglesia, at sa paggawa niyon ay magkakaroon sila ng regular na pagkakakitaan. Makikita sa pag-uugali nila, pati sa kalikasang diwa nila, na ang mga layon, motibo, at layunin nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi wasto, at na wala sa kanilang tumatanggap sa katotohanan o sinserong nananampalataya sa Diyos—kahit na pasukin man nila ang iglesia, pinupuno lang nila ang mga upuan, wala silang anumang nagiging positibong papel. Kaya naman, hindi dapat tanggapin ng iglesia ang mga gayong tao. Kahit na nakapasok na ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila hinirang na mga tao ng Diyos, bagkus ay nakapasok sila dahil sa mabubuting layunin ng ibang tao. “Hindi sila mga taong hinirang ng Diyos”—paano ito dapat bigyang-kahulugan? Ibig sabihin nito ay hindi sila paunang itinalaga at hinirang ng Diyos; hindi Niya sila itinuturing bilang mga pakay ng Kanyang gawain; ni hindi Niya sila paunang itinalaga bilang mga taong Kanyang ililigtas. Kapag ang mga taong ito ay nakapasok na sa iglesia, natural na hindi natin sila maaaring ituring bilang mga kapatid, dahil hindi sila ang mga tunay na tumatanggap sa katotohanan o nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Maaaring itanong ng ilan, “Dahil hindi sila mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos, bakit hindi sila pinapaalis o itinitiwalag ng iglesia?” Layunin ng Diyos na ang mga taong Kanyang hinirang ay matuto ng pagkakilala mula sa mga taong ito at sa gayon ay mahalata ang mga pakana ni Satanas at tanggihan si Satanas. Kapag ang mga taong hinirang ng Diyos ay nagkaroon na ng pagkakilala, dapat na paalisin ang mga hindi mananampalatayang ito. Ang layon ng pagkakilala ay ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang may mga ambisyon at pagnanasa nila at paalisin sila sa iglesia, dahil ang mga taong ito ay hindi mga totoong mananampalataya sa Diyos, at lalong hindi sila mga taong tumatanggap at nagmamahal sa katotohanan. Walang mabuting idudulot ang pananatili nila sa iglesia—kundi malaking pinsala ang mangyayari. Una sa lahat, matapos nilang mapasok ang iglesia, ang mga hindi mananampalatayang ito ay hindi kailanman kumakain o umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Palagi nilang tinatalakay ang ibang bagay maliban sa mga salita ng Diyos at katotohanan, ginugulo nila ang puso ng ibang tao, Guguluhin at gagambalain lamang nila ang gawain ng iglesia, sa kapinsalaan ng pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Pangalawa, kung mananatili sila sa iglesia, manggugulo sila habang gumagawa ng masasamang gawa, tulad lamang ng mga walang pananampalataya, na guguluhin at gagambalain ang gawain ng iglesia, at isasailalim ang iglesia sa maraming nakatagong panganib. Pangatlo, kahit na manatili sila sa iglesia, hindi sila kusang-loob na kikilos bilang mga tagapagserbisyo, at kahit na maaaring magserbisyo sila nang kaunti, ito ay para lamang magkamit ng mga pagpapala. Kung sakaling dumating ang araw na malaman nilang hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, magwawala sila sa galit, guguluhin at pipinsalain ang gawain ng iglesia. Sa halip na kunsintihin iyon, mas mabuting paalisin sila sa iglesia sa lalong madaling panahon. Pang-apat, ang mga hindi mananampalatayang ito ay malamang na bumuo ng mga paksiyon, at sumuporta at sumunod sa mga anticristo, na lumilikha ng isang masamang puwersa sa loob ng iglesia na nagdudulot ng malaking banta sa gawain nito. Batay sa apat na pagsasaalang-alang na ito, kinakailangang tukuyin at ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito na pumasok sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay paalisin sila. Ito lamang ang paraan para mapanatili ang normal na pag-usad sa gawain ng iglesia, at epektibong mapangalagaan na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at makapamuhay ng buhay iglesia nang normal, at nang sa gayon ay makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil ang pagpasok ng mga hindi mananampalatayang ito sa iglesia ay malaking kapinsalaan sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Maraming taong hindi sila kayang tukuyin, kundi sa halip ay itinuturing sila bilang mga kapatid. Ang ilang tao, na nakikitang may kaunti silang kaloob o kalakasan, ay pinipili silang magsilbi bilang mga lider at manggagawa. Ganito lumilitaw ang mga huwad na lider at mga anticristo sa iglesia. Kung titingnan ang kanilang diwa, makikita na wala sa kanila ang naniniwala na umiiral ang Diyos, o na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, o na Siya ay naghahari nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Sila ay mga walang pananampalataya sa mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinapansin, at hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kaya, batay sa kanilang diwa, hindi sila ang mga pakay ng kaligtasan ng Diyos, at siguradong hindi Niya sila paunang itinalaga o hinirang. Imposibleng iligtas sila ng Diyos. Gaano man ito tingnan ng iba, wala sa mga hindi mananampalatayang ito ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat silang agaran at tumpak na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin. Hindi sila dapat payagang manatili sa iglesia na ginugulo ang iba. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay pumapasok sa iglesia nang may iba’t ibang layon at motibo, at maaaring hindi mo sila matukoy o makilatis sa simula. Gayumpaman, habang tumatagal, habang mas madalas kang nakikisalamuha at nakikitungo sa kanila, mas mauunawaan mo sila, at mas malinaw mong makikita ang iba’t ibang pagpapamalas na nagpapahiwatig na sila ay mga hindi mananampalataya. Kapag nagkagayon, hindi ba’t mas madali na silang makilatis batay sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Kung lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay kayang makilatis ang mga hindi mananampalataya, kung gayon, oras na para ibunyag at alisin sila. Anuman ang kanilang karakter, katayuan sa lipunan, o gaano man kataas ang kanilang senyoridad sa iglesia, kung matapos ang ilang taon ng pakikinig sa mga sermon ay hindi pa rin nila matanggap ang katotohanan at puno pa rin sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nabunyag na sila bilang mga hindi mananampalataya. Kung isasaalang-alang ang mga layon at pagpapamalas nila sa pananampalataya sa Diyos, walang duda na sila ang mga dapat alisin o patalsikin. Ito ang gawain ng paglilinis na dapat gawin ng isang iglesia sa bawat panahon.

Ang paksa ng pakay sa pananampalataya sa Diyos ay sumasaklaw sa walong punto, ibig sabihin, may walong uri ng mga tao na may mga pagpapamalas na sapat na para makilatis natin ang iba’t ibang uri ng masasamang tao at pagkatapos ay makagawa ng mga wastong paglalarawan at mapangasiwaan nang naaayon ang mga ito. Sa madaling salita, ang walong uring ito ng mga tao ay hindi maaaring manatili sa iglesia. Maaaring magtanong ang ilang tao, “Ang bawat isa ba sa walong uring ito ng mga tao ay nagpapakita ng iisang uri lang ng pag-uugali?” Hindi naman sa ganoon ang kaso; ang pakay ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos ay kinapapalooban ng apat o limang punto—sila ay naghahanap ng kanlungan, namumuhay sa suporta ng iglesia, nagsasagawa ng oportunismo, naghahangad ng mga pampolitikang layunin, at basta na lang naghahanap ng kasalungat na kasarian, pinapasok ang iglesia para walang-pagpiling akitin ang iba. Ang pakay ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos ay maaaring sumaklaw sa dalawang punto—ang una ay ang hangarin na maging isang opisyal sa iglesia, ang isa pa ay ang maghanap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng oportunismo, o may ilang maaaring maghanap ng kasalungat na kasarian gayundin ay mamuhay sa suporta ng iglesia. Malinaw na pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito para manamantala, nilalayong gamitin ang sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid para tulungan silang matapos ang mga bagay-bagay, para magsikap para sa kanila; para makamit nila ang kanilang mga pakay at matugunan ang kanilang mga kahilingan, ginagawa nila ang lahat ng posibleng paraan para mapaglingkod nila sa kanila ang mga kapatid. Sa madaling salita, ang hayagang pakay ng mga hindi mananampalataya at mga oportunistang ito na pinasok ang iglesia at dapat na mapaalis o mapatalsik sa pagpunta nila sa sambahayan ng Diyos ay ang maging pabigat at samantalahin ang sitwasyon para sa sarili nilang kapakinabangan. Sa pananalita o mga pagkilos man nila, ang pakay nila ay palaging bahagyang makikilatis. Hinding-hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at wala silang interes sa katotohanan; minsan ay nagpapakita pa nga sila ng mga damdamin at saloobin ng pagkasuklam at paglaban. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa kanila, may pag-aatubili lang silang nakikipagtulungan kung kapaki-pakinabang ito sa kanila. Kung wala itong benepisyo para sa kanila, lumalaban ang kalooban nila at nagpapakita sila ng pagiging negatibo at pasibo, at maging pagkasuklam at pagtanggi pa nga. Gumagawa sila ng kaunting gawain kung mayroon lang itong benepisyo; kung wala, iniiwasan o pasibong iniraraos nila ito. Sa mahahalagang sandali ng gawain, nakikipagtaguan sila, naglalaho at pinababayaan ang gawain ng iglesia. Mula sa mga pagpapamalas na ito, malinaw na ang pananampalataya nila sa Diyos ay para lang maging pabigat; maging ang paggamit sa kanila para magserbisyo ay magdudulot ng mas maraming kapahamakan kaysa kabutihan.

I. Para Magsubaybay sa Iglesia

Ngayon, pagbabahaginan natin ang huling punto sa paksa ng pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Maliban sa nauna nang nabanggit na walong punto, may isa pang uri ng tao na ang pakay at layunin sa pananampalataya sa Diyos ay hindi lehitimo. Ano ang ipinagkaiba nila sa mga nabanggit sa itaas na inuudyukan lang ng mga benepisyo, ginagawa ang makakaya nila para hangarin ang katanyagan, kapakinabangan, at katayuan? Ang uring ito ng tao ay hindi pumapasok sa iglesia para maging isang opisyal, para sa katayuan o palagiang mapagkukunan ng pagkain, o para mapagaan ang kanilang buhay, at iba pa; mayroon silang isang pakay na mahirap matuklasan ng mga ordinaryong tao. Ano ang pakay na ito? Ito ay para subaybayan at kontrolin ang iglesia. Ang pagsubaybay sa iglesia ang ikasiyam na punto sa paksa ng pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga tao na ito ay pumapasok sa iglesia na may gampaning subaybayan ito, nilalayong kontrolin ang daloy ng pag-unlad ng iglesia. Ang mga taong nagpapadala sa kanila, ang kanilang mga nakatataas o amo, ay maaaring kumatawan sa pamahalaan, isang partikular na relihiyosong grupo, o isang organisasyon sa lipunan. Dahil sila ay hindi pamilyar sa iglesia, puno ng pagkamausisa, at nababahala pa nga tungkol sa paglitaw, pagkabuo, at pag-iral ng iglesia, may layunin silang malalim na unawain ang iglesia, alamin ang tungkol sa estruktura ng iglesia, ang gawain at iba’t ibang sitwasyon nito. Samakatuwid, may ilang tao na ipinadadala sa iglesia para magsagawa ng trabaho ng pagsubaybay. Iyong mga nagsasagawa ng trabaho ng pagsubaybay sa iglesia, nagmula man sila sa pamahalaan, mga relihiyosong grupo, o anumang organisasyong panlipunan, ay may pakay sa pananampalataya sa Diyos na ganap na naiiba mula sa pakay ng mga totoong kapatid. Hindi sila narito para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; hindi sila pumarito para tanggapin ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang pagliligtas ng Diyos batay sa pananampalataya at pagtanggap sa Diyos. Ang pananampalataya nila sa Diyos ay may kasamang mga pampolitikang layunin o isang gampaning ibinigay ng anumang organisasyon. Kaya, ang pagsubaybay sa iglesia ay parehong pakay nila sa pagpasok sa iglesia at sa pananampalataya sa Diyos, at isang gampaning itinalaga ng kanilang mga nakatataas; ito ay isang trabaho na ginagawa nila para kumita sila ng suweldo.

Para sa mga pumapasok sa iglesia para subaybayan ito, ano ba ang sinusubaybayan nila? Sinusubaybayan nila ang maraming aspekto, tulad ng mga katuruan ng iglesia, mga layunin nito, kung ano ang itinataguyod nito, ang gawain nito, at ang mga kaisipan at pananaw ng mga miyembro nito, tinatasa kung makapagdudulot ba ito ng anumang pinsala sa pamahalaan, mga relihiyon, o lipunan. Sinisiyasat nila ito para sa anumang pahayag na kontra sa lipunan, kontra sa pamahalaan, o kontra sa estado pagdating sa pananalita. Pagdating naman sa mga katuruan, sinusubaybayan nila kung ano ba mismo ang mga ideyang itinataguyod ng iglesia. Maaaring hindi maging madali sa iyo na matuklasan ang mga indibidwal na ito kapag pinapasok nila ang iglesia dahil maaaring nakikinig sila nang mabuti at seryosong nagtatala nang hindi nakakatulog tuwing may mga pagtitipon. Maaari pa ngang taimtim nilang ibinubuod ang mga talumpati ng iba’t ibang indibidwal sa bawat pagtitipon, sa huli ay ibinubuod at ikinakategorya ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng iba’t ibang tao para makita kung alin ang umaayon sa mga interes at hinihingi ng pambansang pamahalaan, at kung alin ang nakasasama sa pamamahala sa estado, salungat sa pamahalaan, at iba pa. Maaaring metikuloso nilang ibuod at ikategorya ang malalalim na pananaw na ito ng mga miyembro ng iglesia, nagtatabi ng mga talaan. Bakit nila ginagawa ito? Dahil ito ang trabaho nila, ang gampanin nila; dapat silang mag-ulat sa kanilang mga nakatataas. Ito ang unang bahagi ng trabaho nila: ang maarok ang mga katuruan ng iglesia at ang mga ideolohikal na inklinasyon ng lahat ng miyembro nito. Sa sandaling paniwalaan nila na ang mga inklinasyong ito ay naglalaman ng mga elementong nakasasama sa lipunan o sa estado, o kung pinaniniwalaan nilang lumilitaw ang ilang radikal na kaisipan at pananaw, kaagad nilang iuulat at sasabihin ito sa kanilang mga nakatataas para maisagawa ang mga naaangkop na hakbang. Ang nilalayon nilang unang maunawaan ay ang mga katuruan ng iglesia—isa ito sa mga pangunahing trabaho nila sa pagsubaybay sa iglesia—kasunod ay ang impormasyon tungkol sa mga tauhan ng iglesia. Halimbawa, nangangalap sila ng impormasyon sa kung sino ang mga nakatataas na lider ng iglesia, pati na ang kanilang tirahan, edad, itsura, antas ng pinag-aralan, mga interes at libangan, mga kalagayang pangkulusugan, kung ano ang pinag-uusapan nila sa pang-araw-araw na buhay, kung saan sila nagpupunta, anong trabaho ang ginagawa nila, gayundin kung anong oras sila nagtatrabaho araw-araw at ang nilalaman ng trabaho nila. Tinitingnan ng mga nagsusubaybay kung ang mga lider na ito ay gumawa ba ng anumang pahayag o nagsagawa ng anumang pagkilos na laban sa pamahalaan, laban sa mga relihiyon, o laban sa mga kalakaran ng lipunan, gayundin ang mga reaksiyon ng mga lider na ito sa sistema ng pamamahala at sa mga kasalukuyang nangyayari sa politika sa bansa, bukod pa sa ibang mga bagay. Ang lahat ng ito ay aspekto na nilalayong arukin niyong mga nagsusubaybay sa iglesia. Dagdag pa rito, patuloy rin nilang binibigyang-pansin ang estruktura at administratibong estruktura ng iglesia. Halimbawa, minamatyagan nila kung sino ang mga lider at manggagawa ng iglesia, kung anong antas ng mga lider ang tinanggal, kung paano muling itinalaga ang mga ito matapos tanggalin, kung aling mga lider ang inaresto, at kung sino ang humalili sa gawain ng mga ito pagkatapos. Nangangalap sila ng mga impormasyon tungkol sa edad, kasarian, tagal ng pananampalataya sa Diyos, at antas ng pinag-aralan ng kahalili—kung mga talentadong nagtapos ba ito sa unibersidad—kung mayroon ba itong anumang negatibong epekto sa bansa o lipunan, at kung maaari kaya itong kuning magtrabaho sa mga kagawaran ng pamahalaan, bukod pa sa ibang partikular na impormasyon. Gusto pa nga nilang malaman ang mga partikular na lider ng iglesia na magsisimula o tinatanggal sa posisyon nila. Ibig sabihin, ang katayuan ng mga tauhan, partikular na administratibong gawain, at ang estruktura ng iglesia ay lahat aspektong nilalayon nilang maging pamilyar sila. Bukod pa rito, nilalayon nilang ganap na maarok ang impormasyon tungkol sa kung gaano karaming aytem ng gawain mayroon sa iglesia, ilang grupo ang mayroon, at ang mga detalye ng mga superbisor ng bawat grupo, bukod pa sa ibang mga bagay. Nag-iikot-ikot sila para magtanong, magmasid, at matuto, isinasagawa ang trabaho nila nang labis na detalyado. Ang trabahong dapat gawin at gampaning dapat isakatuparan ng ganitong uri ng mga tao ay ang kaagad na maarok ang lahat ng aspekto sa sitwasyon ng iglesia at ang iba’t ibang nangyayari dito para makamit ang layunin ng pagsubaybay sa iglesia. Kinapapalooban ito, halimbawa, ng kung paano umuunlad ang iglesia sa labas ng bansa, ilang bansa na ang napalaganapan ng ebanghelyo, at sa aling mga bansa itinatag ang mga iglesia—kailangan nilang maarok ang lahat ng detalyeng ito. Ang mga ito ang mga pangunahing gampaning isinasakatuparan nila sa pagsubaybay sa iglesia: Una, ang arukin ang mga katuruan ng iglesia; ikalawa, ang arukin ang sitwasyon ng mga tauhan ng iglesia; at ikatlo, ang arukin ang katayuan ng gawain ng iglesia at ang pinakahuling mahahalagang pagbabago nito. Ganap silang kumikilos bilang mga kasabwat at alipores ni Satanas, ang malaking pulang dragon; sila ay tunay na mga tagapaglingkod ni Satanas.

Ang ganitong uri ng mga tao na sumusubaybay sa iglesia ay pinapasok ang iglesia para sa pakay na maarok ang impormasyong nauugnay sa mga katuruan, mga tauhan, mga kalakaran sa gawain ng iglesia, laki ng iglesia, at iba pang aspekto. Nilalayon nilang arukin ang bawat isa sa mga aspektong ito at pagkatapos ay iulat ang mga ito sa kanilang mga nakatataas, na maaaring, sa anumang oras, ay bumuo ng mga kaukulang plano sa patakaran o mga hakbang para harapin ang iglesia batay sa sitwasyon. Sa madaling salita, tiyak na hindi mabuti ang pakay nila sa pagsubaybay sa iglesia. Kung hindi, bakit pa rin nila sinusubaybayan ang iglesia, gayong hindi naman ito nagdudulot sa kanila ng yaman o benepisyo? Hindi ba’t dahil ito sa nababahala sila sa pag-iral ng iglesia? Hindi sila naniniwala na ang iglesiang itinatag at pinangungunahan ng Diyos ay binubuo ng mga taong dalisay na nananampalataya sa Diyos, na walang kaugnayan sa estado, lipunan, o mga pampolitikang grupo at organisasyon. Subalit gaano man nila siyasatin ang iglesia, patuloy pa rin silang nababahala. Bakit? Dahil sila ay mga ateista, hindi kumikilala sa Diyos, at namumuhi rin sa katotohanan. Samakatwid, kaya nilang magsagawa ng mga hangal at kakatwang pagkilos tulad ng pagpapahirap at pag-aresto sa mga mananampalataya, pati na rin ang pagsubaybay sa iglesia. Bakit nila ginagamit ang mga hakbang ng pagsubaybay at paglaban sa iglesia? Dahil ang pinakamalaking pangamba nila ay na ang masyadong paglaki ng iglesia at pagkakaroon nito ng napakaraming miyembro ay magkakaroon ng malaking epekto sa bansa, pamahalaan, at lipunan, at na magiging banta at impluwensiya pa nga ang mga ito sa mga tradisyonal na kultura at mga tradisyonal na relihiyosong grupo. Ito ang tunay na dahilan sa likod ng kanilang pagsubaybay at paglaban sa iglesia. Samakatwid, itinuturing nila ang pagsubaybay at paglaban sa iglesia bilang isang pampolitikang gampanin na dapat maisakatuparan.

Ang ganitong uri ng mga tao na sumusubaybay sa iglesia ay maaaring mahirap makilatis sa loob ng iglesia dahil may mga nakatagong motibo sila at malalim nilang ikinukubli ang sarili nila para hindi sila matuklasan ng iba. Kaya, maaaring makiayon sila sa nakararami sa iglesia, walang ginagawang anumang kakaiba, mukha talagang may magandang asal, at hindi kailanman nagpapahayag ng mga salungat na pananaw tungkol sa gawaing ginagawa ng iglesia. Gayumpaman, may isang katangian ang mga indibidwal na ito: Maligamgam sila sa pananampalataya sa Diyos, hindi masyadong aktibo o masyadong pasibo tungkol dito. Kaya nilang gawin ang ilan sa mga tungkuling itinalaga sa kanila, subalit hindi nila kailanman ibinubunyag ang mga personal nilang detalye, tulad ng kung saan sila nagtatrabaho, ang sitwasyon ng pamilya nila, o kung nanampalataya na sila sa Diyos noon. Kung may sinumang magbanggit ng pagtatrabaho sa isang kagawaran ng pamahalaan, nagiging labis na mapag-iwas sila, iniiwasang magbigay ng anumang opinyon tungkol sa pamahalaan, politika, mga polisiya, o relihiyon. Ang pag-uugali nila ay mailalarawan na pag-iwas sa anumang sensitibong paksa; hindi nila pinupuna o pinupuri ang pamahalaan, ni tinatalakay ang mga polisiya nito o ang sistema ng pamamahala. Kapag may nagtukoy na ang isang indibidwal ay isang espiya, nagiging labis silang kabado at maaaring mabilis pa ngang tumayo para ipagtanggol ang sarili nila. Bukod sa pagiging kabado, mapapansin mo rin mula sa titig nila ang pagkahilig na umiwas sa mga gayong sensitibong paksa; iniiwasan nila ang sinumang maaaring makakita sa tunay nilang pagkatao. Bukod pa rito, madalas silang tumanggap ng mga tawag mula sa mga di-kilalang numero, o nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sila sa mga misteryosong indibidwal na hindi konektado sa iglesia, at sa sandaling sagutin nila ang isa sa mga tawag na ito, lumalayo sila mula sa iba. Kung may makakita man sa kanila sa mga oras na ito, halatang nagiging balisa sila, namumula, at mukhang labis na nababahala, natatakot na baka matuklasan ang pagkakakilanlan nila. Maliban sa patagong pangangalap ng impormasyon tungkol sa iglesia, nagtatanong-tanong din sila paminsan-minsan tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng mga bagay tulad ng, “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Nananampalataya ba ang mga magulang mo? Nasa mainland ba ang mga miyembro ng pamilya mo? Sa mga miyembro ng pamilya mo na nasa mainland, sino-sino ang nananampalataya sa Diyos, at ilang taon na? Ilang taon na sila? Ilang tao ang nasa inyong lokal na iglesia? Kumusta na sila ngayon?” Paminsan-minsan, naghahanap sila ng sensitibo at pribadong impormasyon na ayaw ibahagi ng mga tao. Sa pangkalahatang pakikipag-ugnayan ng mga kapatid, walang sinuman ang sadyang nagtatanong ng sensitibong personal na impormasyon kung ayaw ng isang tao na magbahagi. Gayumpaman, ang indibidwal na ito ay nagbibigay ng espesyal na pansin sa gayong mga usapin, at umaabot pa nga sa puntong minamatyagan niya ang mga galaw ng ilang lider at manggagawa o ng mga taong namamahala sa mahahalagang gawain, sinusubukang makuha ang datos na nasa mga kompyuter at cellphone ng mga taong ito o ang impormasyon tungkol sa kanilang tirahan, iginigiit na imbestigahang mabuti ang mga detalyeng ito. Kung mapansin niyang hindi dumalo ang isang lider sa isang pagtitipon, magtatanong siya, “Wala si ganito-at-ganyan sa pagtitipon ngayon.” Ano ba ang ginagawa niya?” Kung may magsasabing abala ang lider na ito, magtatanong pa siya: “Abala sa anong bagay? Dinidiligan ba niya muli iyong mga bagong mananampalataya? Sino-sino ang bagong mananampalatayang iyon? Kailan sila nagsimulang manampalataya? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito?” Patuloy siyang nag-iimbestiga. Sinasabi ng mga kapatid na, “Kung hindi natin dapat malaman, huwag tayong magtanong. Bakit kailangan pang patuloy na magtanong? Hindi naman ito tungkol sa buhay pagpasok, wala itong kinalaman sa katotohanan; hindi ito kailangang malaman.” Na sinasagot naman ng pumuslit ng, “Subalit ang mga ito ay mga usapin ng sambahayan ng Diyos, gawain ng iglesia; bakit hindi natin ito maaaring malaman? Nananampalataya tayong lahat sa Diyos, at hindi nakasasama ang kaunting kaalaman. Kung hindi ninyo nais malaman, ibig sabihin ay hindi ninyo pinahahalagahan ang gawain ng iglesia o ang mga lider ng iglesia. Sino ba talaga ang kinatagpo ng lider? Ilan ang mga bagong mananampalataya roon? Nasaan sila? Gusto ko rin silang makilala.” Palagi siyang nagtatanong tungkol sa mga usaping ito.

May isa pang gampanin na pinagtutuunan ng pinakamalaking pansin ng mga sumusubaybay sa iglesia, at ito ay ang pag-arok sa kalagayang pinansyal ng iglesia. Sa isang banda, hinahangad nilang maunawaan ang mga pinagkukunan ng pondo ng iglesia. Gusto nilang malaman kung ang iglesia ay nagtayo ba ng mga pabrika o negosyo, nagmamay-ari ng mga pabrikang nang-aabuso sa mga manggagawa, gumagamit ng mga batang manggagawa, at kung ang iba’t ibang aytem ba ng gawain ng iglesia ay nasasangkot sa mga kumikitang proyekto. Halimbawa, kung ang produksiyon ng iglesia ng mga bidyo, pelikula, at himno, at paglilimbag ng mga aklat ng salita ng Diyos ay kumikita ba o nakapagbibigay ng sobra-sobrang kita; kung ano ang mga pinagkukunan ng pondo ng iglesia; kung may mayayamang indibidwal bang nagbibigay ng donasyon para suportahan ang iglesia; kung kasama ba sa mga indibidwal na ito ang elite na politiko o mga milyonaryo at bilyonaryo—ito ang mga detalye na nais nilang maarok. Bukod sa pag-unawa sa mga administratibong estruktura at mga pinansiyal na pinagkukunan ng iglesia, nilalayon din nilang maarok ang pag-iingat ng pondo ng iglesia, na may layong mamatyagan ang direksiyon ng mga pondong ito. Kung paano ginagastos ng iglesia ang pera nito, kung sangkot ba ito sa anumang ilegal na gawain, kung nag-oorganisa ba ito ng mga elite sa lipunan o nakikipagtulungan sa iba’t ibang panlipunang organisasyon at grupo para magkakasamang tutulan ang mga diktatoryal na pamahalaan at itaguyod ang mga karapatang pantao, at iba pa—ang mga ito ay ilan din sa mahahalagang sitwasyon na nilalayon nilang maarok. Itinatanong ng ilang tao: "Ang pagsubaybay ba sa iglesia ay isinasagawa lang ng bansa ng malaking pulang dragon?" Tumpak ba ang pahayag na ito? Ang totoo, ang buong mundo at ang buong lipunang pantao ay lumalaban sa Diyos. Hindi lang ang mga bansang may diktatoryal na pamumuno ang lumalaban sa Diyos; kahit sa mga tinatawag na Kristiyanong bansa, ang karamihan ng nasa kapangyarihan ay mga ateista at mga walang pananampalataya, at maging sa mga may kapangyarihan na may pananalig o na nagpapahayag na Kristiyano sila, kakaunti lang sa kanila ang kayang tumanggap sa katotohanan. Karamihan ng tao ay hindi kumikilala, at lalong hindi tumatanggap, sa katotohanan. Kaya, hindi ba’t ang mga ito ay mga taong nananampalataya sa Diyos subalit lumalaban sa Kanya? Halimbawa, sa mga relihiyon tulad ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Hudaismo sa Israel, ang mga nasa matataas bang posisyon ay binubuo ng mga taong tumatanggap sa katotohanan? Hindi, hindi talaga. Wala sa kanila ang pumupunta para imbestigahan ang gawain ng Diyos; wala ni isa sa kanila ang kayang tumanggap sa katotohanan. Sa mas tumpak na pananalita, lahat sila ay mga hindi mananampalataya; lahat sila ay lumalaban sa Diyos at katumbas ng mga anticristo. Ginugulo at sinasabotahe nila ang gawain ng Diyos at brutal nilang pinipigilan at inuusig ang mga sumusunod sa Diyos, na napatutunayan sa pagtrato nila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Aling denominasyon ang nagpapahintulot sa mga mananampalataya nito na malayang imbestigahan ang tunay na daan, pakinggan ang mga mangangaral mula sa labas, o tumanggap ng mga estranghero? Wala ni isa ang makagagawa nito. Aling lahi o bansa ang magiliw sa iglesia? (Wala.) Kapuri-puri na kung pagkakalooban ka nila ng kaunting kalayaan sa relihiyon at kaunting espasyo para makahinga. Inaasahan mo pa bang susuportahan ka nila bukod pa rito? Kapag lumilitaw ang iglesia ng Diyos o kapag nagsisimula nang mangaral ng ebanghelyo ang iglesia, ang mga taong ito na hindi man lang nananampalataya sa pag-iral ng Diyos at na nakararamdam ng malaking pagkasuklam at pagkapoot sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos ay nagsasagawa ng isang espesyal na trabaho, na magtalaga ng mga indibidwal para masusing subaybayan ang iglesia. Ang ibig sabihin ng “subaybayan” dito ay manmanan, arukin at kontrolin; ibig sabihin, mahigpit na manmanan, arukin, at kontrolin ang lahat ng aspekto ng iglesia sa bawat panahon. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi naman nila hayagang kinondena o tinutulan ang gawain ng Diyos, at hindi rin kami nagdusa ng pang-uusig o panliligalig sa aming lokal na buhay. Pakiramdam namin ay mas mabuti at mas ligtas na manampalataya sa Diyos, magtipon, gumawa ng aming tungkulin, at magpalaganap ng ebanghelyo sa ibang bansa kaysa sa bansa ng malaking pulang dragon. Wala kaming naranasang anumang panghihimasok.” Hindi mo dapat itanggi ang gawain nila ng pagsubaybay sa iglesia dahil lang walang panghihimasok at may kaunting kalayaang ipinagkaloob sa iyo. Ang kaunting kalayaan sa relihiyon na ipinagkaloob sa iyo ay isang pangunahing institusyong panlipunan; ang tinatamasa mo ay mga pangunahing karapatan lang ng anumang mamamayan sa bansang iyong pinaninirahan. Ang pagtamasa sa mga pangunahing karapatang ito ay hindi nangangahulugang ang pambansang pamahalaan, mga grupong panlipunan, o ang relihiyosong komunidad ay tinatanggap at kinikilala na ang gawain ng Diyos at ang gawain ng iglesia, na naging magiliw na ito, o na nawala na ang anumang pagkamapanlaban at pagsubaybay nito. Hindi ba’t ganoon ang kaso? (Oo.) Ang usaping ito ay hindi abstrak, hindi ba? (Hindi, hindi nga.)

Ano ba dapat ang saloobin natin sa pagkamapanlaban at pagsubaybay ng mga satanikong rehimen? Dapat ba natin itong tanggihan at iwasan, o balewalain na lang? Una, pag-isipan ninyo ito: Natatakot ba ang iglesia sa pagsubaybay nila sa alinmang gawain nito? (Hindi.) Mayroon ba tayong anumang lihim na gawain? Gumagawa ba tayo ng anumang pahayag na kontra-estado o kontra-pamahalaan? (Hindi.) Maaari itong patotohanan. Hindi kailanman kasama sa pananampalataya sa Diyos ang pakikilahok sa politika. Karamihan sa inyo ay mahigit tatlong taon nang nananampalataya sa Diyos, ang ilan pa nga ay dalawampu o tatlumpung taon na. Sa lahat ng mga taong ito ng pakikinig sa mga sermon, may sinuman bang nakakita kahit kailan na gumawa ang iglesia ng mga pahayag na kontra-estado at kontra-lipunan? (Wala.) Wala ni katiting; hindi kailanman tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang politika. Bukod dito, Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng Diyos, patikim ito ng kaharian ng Diyos sa lupa, hindi isang organisasyong itinatag ng sinumang tao, hindi itinatag ng sinumang indibidwal. Kung gayon, ano ang gawain na itinatag ng Diyos para gawin ng iglesia? Hindi ito para makisali sa gawaing kontra-lipunan, kontra-relihiyon, o kontra-politika. Ano, kung gayon, ang gawain ng iglesia? Una, ang pangunahing gawain nito ay ang ipalaganap ang mabuting balita ng pagkakatawang-tao ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw, ang pahintulutan ang sangkatauhan na tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos para bumaling sila sa Diyos at sumamba sa Kanya. Pangalawa, kinapapalooban ito ng pagdadala sa mga taong naghahangad sa katotohanan sa harapan ng Diyos para matanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at mapadalisay sila, at sa huli ay makamit nila ang kaligtasan. Ito ang gawaing isinasagawa ng iglesia ayon sa itinatag ng Diyos, at ito ang kabuluhan at kahalagahan ng pag-iral ng iglesia. Ang gawaing ito ay walang kaugnayan at hindi konektado sa politika, negosyo, industriya, teknolohiya, o anumang iba pang sektor ng lipunan; ito ay ganap na walang kaugnayan sa mga bagay na ito. Ano, kung gayon, ang diwa ng gawain ng pagliligtas ng Diyos sa loob ng iglesia? Sa pinakasimple at pinakamalinaw na pananalita, ito ay ang pamamahala sa sangkatauhan. Ang partikular na nilalaman ng pamamahala sa sangkatauhan ay kinapapalooban ng pagdadala sa mga tao sa harapan ng Diyos, sa realidad ng mga salita ng Diyos, pagbibigay-daan sa kanila na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos para madalisay sila at makamit nila ang kaligtasan. Ito ang partikular na gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Anumang gawain na ginagawa ng iglesia ay may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, sa plano ng Diyos, at siyempre, ay kinakapalooban ng mga salitang ipinahayag ng Diyos; wala itong anumang kaugnayan sa iba’t ibang trabahong isinasagawa ng mga makamundong tao. Kaya, ang anumang impormasyon tungkol sa iglesia, may kinalaman man ito sa mga katuruan nito, sa mga tauhan nito, sa mga administratibong estruktura nito, sa kalagayan ng gawain nito, o maging sa pinansyal na sitwasyon ng iglesia, ay ganap na walang kaugnayan sa anumang bansa, lipunan, lahi, relihiyon, o anumang grupo ng tao—walang kahit kaunting koneksiyon. Samakatwid, kung isasaalang-alang ang mga puntong ito, maging ito man ay ang naghaharing partido, mga grupong relihiyoso, o mga panlipunang grupo, ang pagkilos nila na magpadala ng mga tao para subaybayan ang iglesia ay maituturing bilang ano? (Isang di-kinakailangang pagkilos.) Ang “isang di-kinakailangang pagkilos” ay isang pormal na pagpapahayag. Ano ang karaniwang kasabihan? Ito ay ang wala lang magawa, tama? Sa Aking pananaw, ito mismo iyon; ang mga araw nila ay puno ng sobrang kaginhawahan at kaalwanan, kaya’t ipinadadala nila ang ilang walang-magawang indibidwal na ito para subaybayan ang iglesia, itinuturing pa nga itong isang pampolitikang gampanin, isang seryosong trabaho—napakakakatwa nito! Gamit ang pagsisikap na iyon, higit na mas mabuting magbukas na lang ng mga institusyong pang-edukasyon o pangkawanggawa. Isa lang itong kaso ng sobrang kaginhawahan ng laman na nauuwi sa katamaran, hindi pagtuon sa mga wastong gampanin! Kung ang buong sangkatauhan ay katulad ng iglesia ng Diyos, na personal na ginagabayan at pinangungunahan ng Diyos, ang mundong ito, ang sangkatauhang ito, ay makatitipid nang malaki sa mga di-kinakailangang institusyon, gastusin, at suliranin. Kahit papaano man lang, ang mga ahensya tulad ng mga organisasyon sa pang-eespiya at mga kagawaran ng pulisya, ang mga sektor na ito ng seguridad, ay mawawalan ng silbi at kakailanganing buwagin at italaga sa ibang gawain.

Ang mga indibidwal na itinalaga para sumubaybay sa iglesia ay may misyon. Ang pangunahing gampanin nila pagkapasok sa iglesia ay ang iilang aspektong ito na pinagbahaginan na natin; pagkatapos nilang maarok ang ilang pangunahin at mahalagang sitwasyon sa loob ng iglesia, nag-uulat sila sa kanilang mga nakatataas. Anuman ang kanilang mga kaisipan, opinyon, o pakay sa trabaho nila, ang presensiya ng mga tagasubaybay na ito sa loob ng iglesia ay dapat na magtulak sa mga kapatid na maging alerto at pangasiwaan ang mga ito nang may karunungan. Tama ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Kung gayon, may anuman bang pangangailangan para sa labis na pagkaalarma? (Wala.) Paano natin dapat harapin ang pagsulpot ng gayong mga indibidwal? May dalawang prinsipyo, at napakasimple nito. Kung nag-iikot sila para magtanong at maghanap ng impormasyon, malinaw na ipinakikita nito na sila ay espiya o tiktik. Ang gayong mga indibidwal ay may napakasama at napakamapangahas na pagkatao; nagdudulot sila ng malalaking kaguluhan sa iglesia. Ang kanilang presensiya pa lang ay nagdudulot na ng kaligaligan sa mga tao, pinipigilan sila na magpunta sa harapan ng Diyos. Ang mga pagtitipon at ang pagganap ng mga tungkulin ay nagugulo at naaapektuhan din, at nakokompromiso ang kaligtasan. Paano dapat pangasiwaan ang gayong tao? (Paalisin sila sa iglesia.) Tama; kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan sa buhay-iglesia o sa gawain ng iglesia, dapat silang direktang alisin. Kung gayon, may anumang pangangailangan ba na magtago sa kanila o matakot sa kanila? (Wala.) Kapag nakatagpo ng mga espiya sa ibang bansa, may ilang tao na natataranta at nagtatago kung saan-saan, na para bang nakakita sila ng mga pulis sa mainland. Kapag may mga kapatid na lumalabas para mag-asikaso ng mga gawain at nakatatagpo sila ng mga espiya na nagtatanong sa kanila, at naririnig nila kung gaano nakatatakot ang tono ng pagtatanong, na para bang isang interogasyon ng pulis, labis silang natatakot kaya tumatakbo sila palayo nang hindi man lang nakukompleto ang mga gawain nila. Sinasabi Ko, “Paanong ganyan ka kadaling magpasindak? Bakit ka tumatakbo? Ano ba ang dapat katakutan? Sa bansa ng malaking pulang dragon, napakaraming kapatid ang nahuli subalit nanatiling hindi takot; hindi sila naging mga Judas, nanindigan sila sa kanilang patotoo. Kaya bakit pagkatapos na makarating sa ibang bansa ay labis ka pa ring natatakot? Hindi ka naman lumabag sa anumang batas; ano ang dapat katakutan?” Sinasabi ng ilang tao na: “Palagi nilang tinatangkang lumapit sa akin, at palagi nila akong iniinteroga.” Hindi mo ba sila kayang tanungin din? Maaari mong sabihin na, “Anong karapatan mo para interogahin ako? Kilala ba kita? Opisyal ka ba ng malaking pulang dragon na sumisiyasat ng mga ID? Sino ang kinakatawan mo? Kung patuloy mo akong tatanungin, idedemanda kita!” Kailangan bang katakutan sila? (Hindi.) May ilang tao na kapag nahaharap sa gayong mga espiya ay hindi naglalakas-loob na magsalita at kaagad na tumatakas sa takot. May mga taong magugulo ang isip na hindi man lang makakilatis, at sinusubukan pa ngang pangaralan ng ebanghelyo ang mga satanikong espiya at sunud-sunurang ito. Matapos ang ilang pagtatangka, nababatid nilang, “Hindi ito isang tao na nananampalatayang umiiral ang Diyos. Bakit para siyang opisyal ng malaking pulang dragon?” Dahil pakiramdam nila ay may mali, sumusuko sila. Kalaunan, pinag-iisipan nila ito: “Pinoprotektahan ako ng Diyos; buti na lang at hindi ko naibunyag ang anumang personal na impormasyon sa kanila. Wala naman palang dapat ipag-alala!” Sa sobrang takot nila ay hindi na sila naglalakas-loob na basta na lang mangaral ng ebanghelyo sa sinumang makatagpo nila. Ang totoo, nagkaroon na talaga ng mga espiya na naipasok sa iglesia sa pamamagitan ng pangangaral. Sila ay mga tiktik na ipinasok sa iglesia ng malaking pulang dragon, sinadya silang isaayos ni Satanas. Para silang mga lobong nakasuot ng balat ng tupa, pumapasok sa iglesia nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos o nakikipagbahaginan sa katotohanan, palaging naniniktik ng impormasyon tungkol sa iglesia at nakikialam sa mga personal na detalye. Sa sandaling matuklasang kahina-hinala ang kilos nila o na nagdulot na sila ng kaguluhan sa loob ng iglesia, dapat kaagad silang alisin—ang mga tiktik ng malaking pulang dragon, ang mga tagapaglingkod ni Satanas, ay hinding-hindi dapat pahintulutang manggulo sa iglesia. Alisin ang bawat isang mahuhuli ninyo; huwag silang pakitaan ng anumang awa! Kung may sinumang nakakasundo ang isang espiya, na palaging handang tratuhin ito nang mabuti dahil sa pagmamahal, sinasagot ang anumang tanong, at nagiging parang sunud-sunuran sa espiya, ang gayong salot ay dapat direktang patalsikin! Ang mga kahina-hinalang indibidwal ay dapat bantayang mabuti at matyagan; wala ni isang detalye tungkol sa iglesia ang dapat ipabatid sa kanila, lalong-lalo na ang tungkol sa kung sino ang mga lider at manggagawa. Kapag hinayaang makakuha ng anumang impormasyon ang espiya, maaari itong magdulot ng natatagong banta o kapahamakan sa iglesia at sa mga kapatid anumang oras. Kaya kapag ang isang tao ay natukoy na kahina-hinala, hangga’t hindi siya kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos kailanman o kaya ay nakikipagbahaginan sa katotohanan, siya ay tiyak na isang hindi mananampalataya, at tama na kaagad siyang paalisin. Kahit pa ang gayong tao ay hindi isang espiya, hindi siya mabuting tao, at ang pagpapaalis sa kanya ay hinding-hindi kawalan ng katarungan. Kung may sinumang matutuklasang malapit na nakikipag-ugnayan sa isang espiya at may kakayahang ipagkanulo ang iglesia, dapat siyang paalisin kaagad sa anumang sitwasyon. Ang gayong salot at tampalasan ay makapagdadala lang ng kapahamakan sa iglesia at sa mga kapatid. Mas masahol pa siya kaysa sa mga bantay na aso; kahit pa hindi siya gumagawa ng masasamang gawa, dapat pa rin siyang paalisin. Ngayon, ang malaking pulang dragon ay malapit nang gumuho, subalit ayaw pa rin nilang tanggapin ang kanilang pagkatalo at pagkawasak. Patuloy silang nang-aaresto at nang-uusig ng hinirang na mga tao ng Diyos at nagsasagawa ng mga operasyon ng pang-eespiya para pasukin ang sambahayan ng Diyos. Ang panggugulo at pananabotahe nila sa gawain ng iglesia ay hindi kailanman tumigil. Ngayon, nailantad na ang ilang malinaw na kahina-hinalang indibidwal. Ang mga pagtatangka nilang mangalap ng impormasyon ay nagdulot ng kaguluhan, kaya’t naging madali para sa iba na makita ang tunay nilang pagkatao. Kapag nalantad na sila, kaagad silang pinaaalis ng iglesia. Subalit nalantad na ba ang lahat ng tusong espiya? Hindi pa. Posibleng mapasok ang mga iglesia kahit saan ng mga ahente ng malaking pulang dragon. May mga indibidwal na, matapos mahuli ng malaking pulang dragon, ay pinipilit sa pamamagitan ng mga pagbabanta, tukso, at iba’t iba pang paraan ni Satanas na kumilos para dito at pagkatapos ay pasukin ang iglesia. Ang mga ito ang mga natatagong espiya. Ang gayong mga tiktik ay taksil at mapanlinlang, may katusuhan at katalinuhan. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, may kaunti silang kakayahan. Kapag sinusubaybayan ang iglesia, ginagawa nila ito nang hindi halata, tahimik at palihim silang kumikilos, hindi kailanman ibinubunyag ang mga tunay nilang layunin sa kanilang mga pakikipag-ugnayan. Karamihan ng tao ay hindi nakararamdam ng anumang kakaiba kapag nakikipag-ugnayan sa kanila; hindi alam ng mga ito na ang espiya ay nangangalap ng impormasyon, ni nararamdaman ng mga ito ang pagkasuklam ng espiya sa pananampalataya sa Diyos. Maaaring naarok na ng espiya ang kabuuang sitwasyon ng iglesia bago pa man mapagtanto ng karamihan na naroroon sila para subaybayan ang iglesia. Sa panlabas, ang gayong mga tao ay hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan sa iglesia o sa karamihan ng tao, kaya paano sila dapat pangasiwaan? Dapat ba tayong magpatupad ng mga hakbang o solusyon para tugunan ang kanilang pagsubaybay sa iglesia? Tulad ng nabanggit kanina, kinatatakutan ba ng iglesia ang pagsusubaybay nila sa anumang aspekto? (Hindi.) Ang pag-iral ng ating iglesia at ng iba’t ibang aytem ng gawain na isinasagawa nito ay bukas at matapat; ang mga aytem na ito ng gawain ang pinakamakatarungan sa lahat ng layunin ng sangkatauhan. Kung gustong maunawaan ng anumang organisasyon ang anumang aspekto ng iglesia, ang mga patotoong batay sa karanasan ng iglesia ay pampublikong ipinalalabas online—maaaring panoorin ito ng lahat hangga’t gusto nila. Walang mga lihim, walang mga ilegal na gawain, at lalong walang mga panggugulo sa kaayusang panlipunan o salungat na pananalita o mga pagkilos. Kaya, kung lihim nilang iimbestigahan at susubaybayan ang sitwasyon ng iglesia, hayaan lang sila. Bakit Ko ito sinasabi? Ang mga indibidwal na ito na nagtatrabaho bilang mga ahente ay nagtataglay ng isang partikular na pamantayang propesyonal, at hindi kayang tukuyin ng mga ordinaryong tao kung ano ba mismo ang mga gampaning ginagawa nila sa likod ng mga eksena. Kaya, hangga’t hindi sila nagdudulot ng mga kaguluhan, walang dahilan para mag-abala sa kanila; hayaan lang sila. Bukod pa rito, ang mga hindi mananampalataya, mga ateista, at mga indibidwal na ito na kasangkot sa politika ay hindi sanay at hindi interesado sa buhay-iglesia. Sa iglesia, kung saan araw-araw, ang mga tao ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, tumatanggap ng paghatol at pagkastigo, at tinatalakay ang pagkilala sa sarili, pagkilala sa Diyos, at ang pagbabago ng disposisyon, paano sila hindi makararamdam ng pagkabalisa o na para bang dumaranas sila ng pagdurusa? Sa bawat pagtitipon, kasing-aligaga sila ng mga langgam na nasa mainit na kawali; ayaw nilang pilitin ang sarili nilang manatili sa iglesia. Nauunawaan nila sa kanilang puso na ang iglesia ay isang iglesia lang, at hinding-hindi isang organisasyong nakikisangkot sa politika. Sa pagsubaybay at pag-alam tungkol sa iglesia, at pagiging mulat sa kung ano talaga ang ginagawa nito, natututunan nila ang katunayang ang Diyos ang naghahari nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng sangkatauhan, na pinalalawak ang kanilang pananaw para hindi sila mamuhay nang napakamangmang. Sila rin ay mga nilalang, subalit ni hindi nila alam na ang tao ay nilikha ng Diyos, na nagpapakita kung gaano sila kahangal at kawalang halaga! Mayroon bang anumang panganib sa pagpapahintulot sa kanilang manatili sa iglesia? Kung hindi sila banta o abala sa iglesia o sa mga kapatid, hayaan na lang sila. Sa sandaling gumawa sila ng isang bagay na nagdudulot ng kaguluhan, iyon na ang sandali nila ng pagkakalantad, at iyon na ang tamang oras para pangasiwaan sila. Batay sa mga katunayan at ebidensya, kaagad silang kilatisin at tukuyin—matatapos ang kanilang misyon, at natural na patatalsikin sila ng iglesia. Mabuti ba ang pamamaraang ito? (Oo.) May mga tao na nagtatanong, “Hindi ba’t ang gawain ng iglesia ay bukas at tapat? Bakit pipigilan ang pagsubaybay ng mga tao?” Ito ay pangunahing nakatuon sa rehimen ng malaking pulang dragon, si Satanas. Ang pagsubaybay nito sa iglesia ay para sa pakay na supilin, arestuhin, at saktan ang hinirang na mga tao ng Diyos; samakatwid, hindi pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang pagsubaybay nito para maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pag-uusig at pagpatay. Kung may mga indibidwal mula sa mga demokratikong bansa o mga relihiyosong grupo na dumating para mag-imbestiga tungkol sa tunay na daan, maaari nilang saliksikin ito online o kontakin ang iglesia. Tinatanggap ng iglesia ang sinumang taos-pusong naghahanap sa katotohanan. Subalit kung ang kabilang partido ay nagkikimkim ng masasamang layunin at naghahangad na baluktutin ang tama at mali at siraan ang iglesia, paano mapahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang kanilang pagsubaybay? Hindi ba’t magiging malaking katangahan kung pahihintulutan ang pagsubaybay nila? Hindi ba’t magiging kahangalan at kamangmangan ito? (Oo.) Palagi namang pinapapasok ng sambahayan ng Diyos iyong mga naghahanap sa katotohanan at malugod silang tinatanggap, na ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi ito nauunawaan ng mga tao, ito ay dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan. Ang panlabas na polisiya ng iglesia ay bukas at tapat, ganap na tumutugma sa mga katotohanang prinsipyo, at puno ng katalinuhan at karunungan. Kung may isang taong hindi kayang maarok ang mga positibong bagay na ito, siya ay isang kakatwang tao, isang taong magulo ang isip. May mga tao na nagsasabing, “Kung pumupunta ang mga tiktik o mga tagapaglingkod ni Satanas para makaalam tungkol sa iglesia, dapat ba tayong maging matatapat na tao at sagutin ang mga tanong nila nang matapat?” Ang pagsasabi ng katotohanan sa mga diyablo at Satanas ay katangahan; hindi nito ginagawang matapat ang isang tao, kundi ginagawa siyang isang sunud-sunuran ni Satanas. Kapag nais ng mga kauri ni Satanas na malaman at maarok ang mga sitwasyon ng iglesia, walang responsabilidad ang hinirang na mga tao ng Diyos na sabihin ito sa kanila. Hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at wala silang mabuting kalooban, kaya wala tayong sasabihin sa kanila! Ang paggawa nito ay hindi pagiging mapusok, kundi pagiging marunong. May ilang taong nagtatanong, “Kung tatanungin nila ako, ’Sino ang nangunguna sa inyong iglesia? Ilang taon na silang nananampalataya?’ maaari ko bang sabihin sa kanila?” Dapat mo silang tanungin, “Ano ang pakay mo sa pag-alam tungkol sa aming lider? Sabihin mo muna sa akin, pag-iisipan ko ito at saka ko pagdedesisyunan kung ipaaalam ko ba sa iyo o hindi.” May karunungan ba sa sagot na ito? (Oo.) Ito ay tinatawag na pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Nauunawaan mo ba? Habang ang gawain ng ebanghelyo ay lumalaganap at ang bilang ng mga tao sa iglesia ay unti-unting dumarami, maaaring lumitaw ang mga tiktik at mga ahente sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa at rehiyon paminsan-minsan. Para sa gayong mga indibidwal, sapat na ang simpleng pag-abiso sa hinirang na mga tao ng Diyos na pangasiwaan sila nang may karunungan. Kung matutuklasang nagdudulot sila ng kaguluhan o panggagambala, dapat silang kaagad na paalisin. Karamihan ng tao ay dapat may kaunting pang-unawa at pagkilatis sa paraan ng pananalita at pagkilos ng mga ahenteng ito, o sa kanilang ugali, at tiyak na magkakaroon sila ng kamalayan o pakiramdam kapag nakikipag-ugnayan sa mga ito. Kung iilang kapatid lang sa isang iglesia ang nakapapansin ng gayong mga indibidwal subalit hindi sila sigurado kung espiya o tiktik ba ang mga ito, dapat tratuhin ang mga ito nang maingat at may karunungan. Kung karamihan ng tao ang nakapansin, maaari nilang ipaalam sa isa’t isa at maaari silang magpatupad ng mga hakbang sa pag-iingat. Kung ang mga pinaghihinalaang espiya ay hindi nagpapakita ng pagkamagiliw sa iglesia o sa mga kapatid, palaging nagtatangkang bitagin ang mga kapatid at guluhin ang iglesia, at palaging naghahanap ng ebidensya para siraan ang iglesia, nagagawa pa ngang kumuha ng mga larawan o recording ng mga kapatid, o gumamit ng tukso at pang-aakit para makakuha ng impormasyong gusto nilang malaman, ang gayong mga indibidwal, kapag natuklasan, ay hindi maaaring hayaang magpatuloy—dapat silang agad na paalisin sa iglesia. Maaaring hindi pa ninyo nararanasan ang mga ganitong sitwasyon, kaya binibigyan Ko kayo ng abiso nang maaga. Tungkol ito sa pagpapalawak ng inyong pang-unawa, tungkol ito sa pagkilala sa sangkatauhan, lipunan, politika, at mundo—ganoon lang ito kadilim at ganoon ito kasama.

Pagdating sa ikasiyam na pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos—ang subaybayan ang iglesia—dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa pangunahing nilalaman. Malinaw bang napagbahaginan ang lahat? (Oo.) Ano ang mga nilalaman na nilalayong subaybayan niyong mga sumusubaybay sa iglesia? (Ang mga katuruan ng iglesia, mga kondisyon ng mga tauhan, mga kondisyon sa trabaho, at kalagayang pinansyal.) Sa madaling salita, ang apat na aspektong ito ang pinakaikinababahala nila. Ano ang kinapapalooban ng apat na aspektong ito? Kinapapalooban ito ng mga bagay na pinakaikinababahala nila: ang epekto ng presensiya ng iglesia sa lipunan, sa bansa, at sa relihiyosong komunidad. Nangangamba rin sila na baka gamitin ng iglesia ang relihiyon bilang balatkayo para makisangkot sa politika at pabagsakin ang pamahalaan, itinuturing ito bilang pinakamalaking natatagong panganib. Kaya, sinusupil, inuusig, at ipinagbabawal nila ang iglesia, at inaaresto ang mga miyembro nito. Sa bansa ng malaking pulang dragon, ipinagbabawal ang lahat ng relihiyosong pananampalataya; sa ilang bansa, ipinagbabawal ang ilang pananampalataya; at sa karamihan ng mga bansa, natatakot silang magtaglay ng kapangyarihan ang katotohanan at tanggapin ito ng mga tao, na magiging banta sa kanilang pamumuno. Sa madaling salita, kapag mas gumagawa at nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos sa isang lugar, at kapag mas tinataglay ng isang iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu, mas malamang na ito ay susubaybayan at titingnan nang may pagkamapanlaban ng iba’t ibang pamahalaan. Kaya, madalas magpadala ang mga gobyerno ng mga ahente na nakabalatkayong mga tao na nag-iimbestiga sa tunay na daan para alamin at arukin ang sitwasyon ng iglesia, para subaybayan ang lahat ng dinamika nito. Bukod dito, sinisikap nilang maarok ang mga kalakaran ng gawain ng iglesia, na makita kung ito ba ay may kinalaman sa politika, kung ito ba ay nakikilahok sa mga pampolitikang gawain habang nagpapanggap na nagsasakatuparan ito ng gawain ng iglesia, o kung ito ba ay may anumang kaugnayan sa mga relihiyosong puwersa sa ibang bansa, at iba pang alalahanin. Ito ang mga bagay na nais nilang maarok at ikinababahala nila. Bukod pa rito, ang kalagayang pinansyal ng iglesia ay isa ring bagay na gusto nilang maarok. Pinag-iisipan nila: “Lumago ang bilang ng mga tao sa iglesiang ito at mabilis ang pag-unlad nito—saan nanggagaling ang pondo nito? Aling mga organisasyon o mayayamang indibidwal ang nagbibigay ng donasyon sa kanila?” Sa madaling salita, wala tayong maiisip na hindi pa nila naisaalang-alang. Bakit? Sapagkat sila ay masama; sila ay masasamang tao. Ang kanilang mga pagtatangkang arukin ang sitwasyon ng iglesia ay bunga ng kanilang matinding pangamba tungkol sa pag-iral ng iglesia, natatakot na maimpluwensyahan ng iglesia ang mas maraming tao, na maaaring maging banta sa kanilang pamumuno; ito mismo ang ikinababahala nila tungkol sa iglesia. Gaano man kamakatarungan o kalehitimo ang gawain ng iglesia, patuloy pa rin silang hindi naniniwala. Bakit? Dahil sila ay mga hindi mananampalataya, mga ateista, at mga materyalista—ito lang ang kayang gawin ng mga materyalista. Ito ang apat na sitwasyong ikinababahala nila. Katatapos lang natin pagbahaginan ang dalawang prinsipyo kaugnay sa tamang paraan ng pangangasiwa sa gayong mga indibidwal pagkatapos nating maunawaan ang mga dahilan at layunin sa likod ng kanilang mga pag-aalala sa apat na sitwasyong ito. Magbigay kayo ng simpleng buod ng mga prinsipyong ito at magsalita tungkol sa mga ito. (Kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan sa iglesia, alisin sila; kung hindi sila nagdudulot ng kaguluhan, hindi kailangang mag-abala pa sa kanila.) Kung nagdudulot sila ng kaguluhan, naniniktik kung saan-saan at nagdudulot ng pagkataranta, alisin sila nang walang awa; kung hindi sila nagdudulot ng mga kaguluhan at karamihan ng tao ay hindi sila napapansin o hindi sila makilatis, huwag silang pansinin. Sa sandaling makita nilang ito ay tunay ngang gawain ng iglesia, mga relihiyosong gawain, at walang anumang kinalaman sa politika, ang pagkumpirma lang sa puntong ito ay magpapaalis na sa kanila nang kusa. Ito ang paraang ginagamit ng mga demokratikong bansa para maunawaan ang mga relihiyosong sitwasyon. Kanina, nabanggit din na ang sangkatauhan ay napakakomplikado. Ano ang dahilan sa pagiging komplikado ng sangkatauhan? Hindi ba’t nagmula ito sa kasamaan ng sangkatauhan? (Oo.) Paano nagsimula ang kasamaan ng sangkatauhan? Bakit sinasabi na ang sangkatauhan ay masama? Ito ay dahil labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Paano ito masasabi sa simpleng salita? Ito ay na ginawa nang mga demonyo ni Satanas ang mga tao; ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga diyablo, na may napakaraming malalaki at maliliit na diyablo, kaya ang mga lugar kung saan nagtitipon ang mga tao ay naging mga lungsod na ng mga demonyo. Kapag maraming demonyo ang sama-samang nagtitipon, nagiging komplikado ito; may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa at magsagawa ng lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain. Dahil lahat ng demonyo ay masama, at palaging may mga alitan sa pagitan nila, at hindi sila kailanman magkakatugma sa isa’t isa, ginagawa nitong komplikado ang mga usapin. Kapag nagsasama-sama ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos, mas simple ito; handa silang lahat na magbasa ng mga salita ng Diyos at mamuhay ng buhay-iglesia, at lahat sila ay nasisiyahang gumawa ng kanilang mga tungkulin at magsagawa ng mga wastong gampanin. Hindi sila nakikilahok sa mga baliko at karumal-dumal na gawain—ang pinakamalala na, baka magpakita sila ng kaunting katiwalian. Tanging ang gayong mga tao ang makapagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos. Ang mga demonyo ay hindi kailanman maliligtas sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos dahil hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito. Kahit manampalataya pa ng ilang dekada o siglo ang mga diyablo, hindi sila magbabago, na isang katunayang nakikita ng lahat. Ngayon, inalis na ng maraming iglesia iyong mga diyablo, at ito ay isang mabuting bagay at ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa ilang iglesia, kalahati ng mga tao ay mga diyablo, samantalang sa iba, minorya lang ang mga diyablo. Madali bang isagawa ang gawain ng iglesia sa gayong mga iglesia? Tiyak na hindi. Kung aalisin ang mga diyablo, at maiiwan lang ang tiwaling sangkatauhan, magiging mas madaling gawin ang gawain ng iglesia. Ang pinakakahabag-habag na sitwasyon ay kapag ang mga maling lider o mga anticristo ang may kapangyarihan sa ilang iglesia, at ang mga diyablo ang nasa posisyon ng pamumuno; talagang nagdurusa ang hinirang na mga tao ng Diyos sa gayong mga iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, makapagdadala ba ng kapayapaan at kagalakan sa hinirang na mga tao ng Diyos ang pagkakaroon ng mga huwad lider o mga anticristo ng kapangyarihan? Ang mga kaisipan at ideya ng mga huwad na lider at mga anticristo ay ganap na masama at salungat sa katotohanan. Kung may sampu o dalawampung buhay na demonyong sumusuporta sa kanila, ang pamumuhay sa gayong iglesia ay katulad ng pamumuhay sa isang lugar kung saan nagtitipon ang mga demonyo, sa isang pugad ng mga demonyong kontrolado ng isang haring diyablo; para itong pamumuhay sa loob ng isang gilingan ng karne, na nagdudulot ng pagkabalisa sa iyong isipan at espiritu. Bawat araw, ang naiisip mo ay mga bagay tulad ng kung kanino makikipaglaban o makikipagtunggali, kung kanino makikipagkaibigan o makikipaglapit, kung kanino iiwas at mag-iingat, at iba pa; ni wala kang kapaligirang may kapayapaan, namumuhay ka na palaging takot at nangangamba, nang wala ni katiting na katahimikan. Hindi ba’t katulad ito ng pamumuhay sa loob ng isang gilingan ng karne? (Oo.) Tinatrato ng masamang lipunang ito, ng masamang sangkatauhang ito, ang lahat ng tao at lahat ng grupo o organisasyon nang magkakapareho, inilalapat ang parehong opinyon at pananaw para sa lahat. Gayundin, nababalisa sila maging sa iglesia, isang institusyon na medyo positibo, hindi ito pinalalampas. Gayumpaman, ang paraan ng pakikitungo natin sa kanila ay maprinsipyo, tama?

Ang ikasiyam na pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos—ang pagsubaybay sa iglesia—ay ganap nang napagbahaginan ngayon, at ang lahat ng nilalaman ng unang kategorya ng ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay napagbahaginan na rin naman. Ang buod ng mga pakay ng mga hindi mananampalataya at mga ateista na ito sa pananampalataya nila sa Diyos ay sumasaklaw na sa mga puntong ito. Ang huling pakay na pinagbahaginan ay bahagyang naiiba ang nilalaman sa mga nauna. Kapag pumapasok sa iglesia ang mga sumusubaybay sa iglesia, hindi sila naghahangad ng pagkain, katayuan, o mga kaginhawahan sa buhay at trabaho, kundi may mga pampolitikang pakay sila. Anuman ang pakay nila, sa sandaling mahalata at makilatis natin sila, dapat tayong kaagad na gumawa ng nararapat na pagkilos, paalisin o patalsikin ang mga indibidwal na ito, at hinding-hindi sila pahintulutang manatiling nakakubli sa iglesia nang matagal. Ito ay isang mahalagang gampanin ng mga lider at manggagawa. Batay sa pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, kilatisin at tukuyin kung sino ang mga totoong kapatid—ang hinirang na mga tao ng Diyos—at kung sino ang iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia; agad na tukuyin ang masasamang taong ito at pagkatapos ay kaagad na ipatupad ang isang nararapat na paraan para paalisin o patalsikin sila. Ito ang unang kategorya ng pagkilatis at pagkategorya sa iba’t ibang uri ng masasamang tao: ang pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Natapos na natin ang pagbabahaginan tungkol dito.

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

Ngayon, dadako naman tayo sa ikalawang kategorya, ang kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng mga pagpapamalas ng pagkatao ng isang tao, makikilatis at matutukoy natin kung ang indibidwal na ito ay tunay bang nananampalataya sa Diyos at kung nararapat ba siyang manatili sa iglesia. Kung, batay sa kanyang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao at sa diwa ng kanyang pagkatao, siya ay hindi tunay na kapatid, hindi angkop na manatili sa iglesia, at nakagugulo ang presensiya niya sa mga kapatid—at ayon sa kanyang pag-uugali—ay kabilang siya sa mga dapat paalisin o patalsikin mula sa iglesia, dapat kaagad na gumawa ng mga kaukulang plano ang iglesia para paalisin o patalsikin ang indibidwal na ito. Ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay tungkol sa pagpapaalis o pagpapatalsik sa lahat ng uri ng masasamang tao. Kung titingnan sa perspektiba ng sangkatauhan, ang pagkatao ng mga indibidwal na ito ay tiyak na di-mabuti at masama; sa simpleng pananalita, sadyang hindi sila mabuti. Batay sa mga pagpapamalas ng kanilang pagkatao, dapat silang paalisin o patalsikin mula sa iglesia para mapigilan sila sa patuloy na panggugulo sa iglesia at pag-apekto sa normal na kaayusan ng buhay-iglesia ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa pagganap nila ng tungkulin. Kaya, sa aling mga pagpapamalas natin huhusgahan kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti ba o masama, at sa gayon ay magpapasya kung dapat ba siyang paalisin o patalsikin ng iglesia? Kapag ibinuod, ang ikalawang kategorya—ang pagkatao—ay sumasaklaw rin sa maraming punto. Subalit, pagbahaginan muna natin ang unang punto.

A. Pagkahilig na Mambaluktot ng mga Katunayan at Kasinungalingan

Ang unang punto ay tungkol sa mga taong mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Siguradong madalas ninyo nang nakikita ang ganitong uri ng tao. Ano ang pangunahing pagpapamalas ng pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Ito ay ang pagsasalita nang walang prinsipyo, palaging pag-uudyok ng mga pagtatalo nang may mga layunin at pakay, na nagdudulot ng masasamang epekto. Malinaw na ang gayong mga tao ay may mga seryosong isyu sa kanilang pananalita, na nakaugat sa hindi magandang disposisyon at sa kawalan ng pagkatao, na humahantong sa kanilang pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng terminong ito, ang “pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan” ay nangangahulugang madalas na pagpapahayag na ang katunayan ay kasinungalingan, at ang kabaligtaran nito; tungkol ito sa pagbabaliktad ng puti at itim at pati na rin ang pagdaragdag ng mga di-totoong detalye sa mga katunayan, pagbibintang ng mga walang-basehang akusasyon, paggawa ng mga walang-batayang panghuhusga, at pagsasalita kung paano man gustuhin ng isang tao. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman naglalagay ng positibong anggulo sa mga bagay-bagay; ang sinasabi nila ay hindi nagbibigay-kaalaman sa mga tao, at walang anumang pakinabang o tulong na naibibigay sa mga tao. Sa proseso ng pakikisalamuha, pakikibahagi, at pakikipag-ugnayan sa kanila, ang akto ng pakikinig sa kanilang magsalita ay madalas na naglulubog sa puso ng mga tao sa kadiliman at kalabuan, at nagsasanhi pa nga sa mga ito na mawalan ng pananampalataya, kaya’t nawawalan ang mga ito ng ganang manampalataya sa Diyos, at hindi mapayapa ang isipan ng mga ito tuwing may mga espirituwal na debosyon at pagtitipon. Kadalasang nababagabag ang isipan at espiritu ng mga ito dahil sa mga pahayag tungkol sa kung ano ang tama at mali at sa tsismis na ikinakalat ng gayong mga indibidwal, at nagsisimula ang mga ito na tingnan nang masama ang lahat ng tao at walang makita kundi ang mga kamalian ng iba. Madalas, pagkatapos marinig na nababaluktot ang mga katunayan at kasinungalingan, nagugulo ang normal na pag-iisip ng mga tao, at maging ang mga tamang pananaw nila sa mga usapin ay nagugulo, na ginagawang mahirap para sa kanila na makilatis kung ano ang tama at kung ano ang mali. Iyong mga walang pagkilatis ay madalas na naeengganyo at natutukso, nang hindi man lang ito namamalayan, dahil sa ilang bagay na sinasabi ng mga tao na nambabaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan. Iniisip nila, “Walang pininsalang sinuman ang mga taong iyon, normal silang nakikilahok sa mga pagtitipon, minsan pa nga ay nagkakawanggawa at tumutulong sila sa iba, at wala silang ginawang anumang masama.” Gayumpaman, ang madalas na kahihinatnan ng mga pakikisalamuha nila sa gayong mga tao ay na nasasadlak sila sa mga isyu ng tama at mali at nasasadlak sila sa tukso, at nasasadlak sila sa gitna ng mga emosyonal na pagkakatali sa pagitan ng mga tao, at mga di-angkop na relasyon ng mga tao. Ang mga taong ito na nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay bihasa sa panggugulo sa mga angkop na relasyon ng mga tao at sa pananabotahe sa ilan sa mga dalisay na pagkaunawa sa isipan ng mga tao. Sa pananaw nila, ang sinumang mga indibidwal na may mabuting relasyon at maaaring maging mapagsuporta at matulungin sa isa’t isa ay nagiging target ng mga lihim nilang pag-atake at panghuhusga. Gayundin, ang sinumang gumagawa ng tungkulin niya nang may kaunting pagkamatapat at medyo gumugugol ng sarili niya ay isa ring target ng mga pag-atake nila. Gaano man kabuti o kapositibo ang isang bagay, naghahanap sila ng mga paraan para siraan ito. Gumagawa sila ng mga patagong puna tungkol sa lahat ng bagay, nagkokomento sa bawat usapin, at may mga sarili silang pananaw sa lahat ng isyu. Ang mga pananaw na ito ay hindi man lang mga tunay na pananaw; sa halip, nagsasalita sila ng walang kabuluhan, nagpapalito sa mga katunayan at kasinungalingan, at binabaliktad ang puti at itim; para makamit ang isang layon, o makapaghasik ng sigalot sa pagitan ng mga tao, o makapanirang-puri sa ilang indibidwal, umaabot pa nga sila sa puntong sadya at walang-ingat silang gumagawa ng mga kuwento sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga di-totoong detalye sa mga katunayan at paggawa ng mga walang-basehang akusasyon, lumilikha ng isang bagay mula sa wala. Iyong mga hindi nakaaalam sa mga katunayan ay nakikinig sa kanilang magsalita at iniisip na ang mga pahayag nila ay tila makatwiran at hindi posibleng maging mali, at sa gayon ay nalilihis ang mga ito. Ang ganitong uri ng tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay gumagawa ng mga patagong puna sa anumang positibong usapin. Dahil ba ito mayroon silang pagpapahalaga sa katarungan? (Hindi.) Nilalabanan nila at hindi nirerespeto ang mga aktibong nagsasagawa ng tungkulin nito, ang mga tapat, ang mga masigasig na gumugugol ng sarili nila, at ang mga may konsensiya at katwiran. Kung gayon, ano ang dahilan ng walang-ingat na pananalita ng mga indibidwal na ito? Nasaan ang ugat nito? Bakit sila palaging mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? (Dahil di-mabuti ang kanilang pagkatao.) Tama; ito ay dahil sa di-mabuting pagkatao. Kung mabuti ang pagkatao nila, hindi sila mambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Ang pagsasalita ay dapat na batay sa konsensiya at pagkamakatwiran; hindi dapat magbubulas ang isang tao ng mga baluktot na teorya at maling paniniwala sa bawat pagkakataon. Ang ugat ng pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay ang di-mabuting pagkatao. Ang anumang sabihin ng gayong mga tao ay nag-iiwan ng hindi magandang impresyon; sa banayad na pananalita, nanghuhusga sila ng iba, subalit ang totoo, ang mga salita nila ay naglalaman ng ilang elemento ng malisyosong layunin na mangkondena at mangsumpa, at ng mga pahiwatig ng panunulsol, pagkainggit, pagsuway, pagkamuhi, at maging ng lalo pang pang-aagrabyado sa mga taong nahihirapan na nga. Sa kabuuan, ito ang mga pangunahing katangian ng kanilang pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Bukod sa mga katangiang ito, may isa pang karaniwang katangian ang gayong mga indibidwal: Masama ang loob nila sa mga taong may mga bagay na wala sila, at pinagtatawanan nila ang mga tao na wala ng mga mayroon sila. Mabuti ba ang pagkatao nila? (Hindi.) Ang mga ganitong uri ng indibidwal, na masama ang loob sa mga taong mayroon ng mga wala sila, at pinagtatawanan ang mga taong wala ng mga mayroon sila, ay nakararamdam ng inggit sa sinumang mas mahusay sa kanila at sinisiraan ang mga ito sa likod ng mga ito, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito; samantala, kung may sinumang mas mababa sa kanila, pangisi nilang pinagtatawanan ang mga ito, handang mangutya, manlibak, at manghamak ng taong iyon. Hindi nila kayang arukin nang tama ang anumang usapin, o harapin ito batay sa pinakapayak na moralidad ng tao. Hindi nila kailangang hangarin na pagpalain ang sinuman, ni hangarin ang ikabubuti ng sinuman, o hangarin na maging maayos ang lahat para sa mga ito, o hangarin na tahakin ng mga ito ang tamang landas; subalit kahit papaano man lang, dapat nilang tasahin nang tama ang iba nang walang kinikimkim na anumang malisya—nabibigo sila kahit dito. Ano ang ugat ng kanilang pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Malinaw na makikita sa kanilang pananalita, at sa saloobin nila sa iba, at sa iniisip nila at paraan ng pagtrato nila sa iba sa kaibuturan ng puso nila, na ang pagkatao ng mga ganitong uri ng tao ay malisyoso. Bagaman ginagamit lang ng mga ganitong uri ng tao ang bibig nila sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, sa likod ng mga pagkilos na ito ay naroroon ang mga tagumpay at layon na hinahangad nilang makamit, pati na rin ang mga tunay na pananaw at saloobin nila sa mga tao at mga usapin, sa kaibuturan ng puso nila. Isantabi muna sa ngayon kung iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan ay naaarok bang mabuti ang katotohanan, at kung sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan, batay sa katangiang ito ng pagkatao nila—ang pagkahilig sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan—maaari ba silang magkaroon ng anumang mabuti, nakapagpapasigla, o positibong impluwensiya sa mga kapatid sa iglesia? (Hindi.) Siguradong hindi!

Tingnan natin ang ilang partikular na halimbawa para makita kung anong mga pagpapamalas mayroon ang mga taong nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Sabihin natin, halimbawa, na may isang kapatid na may napakayamang pamilya, subalit alang-alang sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay iniwan niya ang mga kasiyahan ng laman at iniwan ang tahanan niya para gawin ang kanyang tungkulin. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang magiging tingin ng mga normal na tao sa sitwasyong ito? Hindi ba’t hahangaan at kaiinggitan nila siya? Kahit papaano man lang, iisipin nila na kapuri-puri at karapat-dapat tularan ang kapatid na ito dahil kaya niyang isakripisyo ang kasiyahan ng laman para gawin ang kanyang tungkulin. Subalit paano naman magkomento sa kanya iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? Sinasabi nilang, “Pinalalampas niya ang buhay ng isang mayamang tao para lumabas at mangaral ng ebanghelyo buong araw; kung magpapatuloy siya nang ganito, balang araw ay palalayasin siya ng kanyang asawa! Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay lahat para makatanggap ng mga pagpapala at masiyahan ang sarili? Tingnan ninyo siya, may mga pagpapala subalit hindi alam kung paano tamasahin ang mga ito, tinatalikdan ang kanyang pamilya at propesyon para buong-pusong gawin ang tungkulin niya; hindi ba’t kahangalan iyon? Kung ganoon kayaman ang pamilya ko, magpapakasaya na lang ako sa bahay.” Sabihin ninyo sa Akin, may isang pangungusap ba sa mga salitang iyon na naaayon sa pagkatao, na nagbibigay-kaalaman sa iba? (Wala.) Iyong mga may kaunting pagkilatis, kapag narinig ito, ay iisiping, “Hindi ba’t pambabaluktot ito ng mga katunayan? Likas na positibong bagay para sa isang mananampalataya na talikuran ang lahat para igugol ang sarili niya sa Diyos at na huwag maghangad ng mga materyal na kasiyahan, subalit kinokondena nila ito.” Kung maririnig ito ng isang taong walang pagkilatis, maililihis at maguguluhan siya; ang sigasig niya sa pananampalataya sa Diyos, at ang sigasig niyang talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang sarili niya para gawin ang kanyang tungkulin ay kaagad na lubhang maaapektuhan. Bagaman kakaunti ang mga salita ng mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, malaki ang negatibong epekto nito sa iba, sapat na para gawing negatibo ang pakiramdam ng isang tao sa mahaba-habang panahon at hindi siya makabawi mula rito. Hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Ang ilan lang tila makatotohanang salita ay maaari nang makalason sa ilang tao pagkarinig dito. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao ng mga nagsasabi ng gayong mga nakalalasong salita? (Hindi ito mabuti.) May anumang pangungusap ba sa mga salita nila na maaaring magpatatag sa pananampalataya ng isang tao pagkatapos marinig ito? (Wala.) Ano ang lahat ng salitang ito? Sa malawak na pananalita, ang lahat ng ito ay mga salita ng mga hindi mananampalataya; wala kahit isang pangungusap na dapat bigkasin ng sinumang sumusunod sa Diyos. Sa mas partikular, wala ni isang pangungusap mula sa mga taong ito ang sumasalamin sa anumang pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng mawalan ng pagkatao? Ibig sabihin nito ay hindi man lang nagtataglay ng moralidad. Ano ang ibig sabihin ng mawalan ng moralidad? May maginhawang pamumuhay at mayamang pamilya ang kapatid na iyon, at ano ang saloobin ng mga taong ito? Pagkainggit lang ba ito na sinusundan ng pagnanais ng mabuti para sa taong iyon at pagkatapos ay magpapatuloy na lang? (Hindi.) Kung gayon, ano ang saloobin nila? Inggit, galit, sama ng loob, at pagkikimkim ng mga reklamo sa kanilang puso: “Karapat-dapat ba siyang magkaroon ng napakaraming pera? Bakit wala akong ganoong karaming pera? Bakit siya pinagpapala ng Diyos at ako ay hindi?” Mayaman at masagana ang kapatid, kaya’t nakararamdam sila ng inggit at galit, wala ni isang salita ng tunay na paghanga o pagnanais ng mabuti para sa kanya. Ipinahihiwatig nito ang ganap na kawalan maging ng pinakapayak na moralidad. Mayaman ang kapatid, kaya’t nagkikimkim sila ng pagkamuhi, halos umaabot na sa puntong sinusubukan na nilang nakawan o dayain siya sa kanyang mga ari-arian. Higit pa rito, ang kapatid na ito ay namumuhay sa isang mayamang pamilya, subalit nagagawa niyang iwanan ang maginhawang buhay at mga materyal na kaginhawahan para humayo at gawin ang kanyang tungkulin; para sa isang mananampalataya ng Diyos, ito ay isang bagay na karapat-dapat ipagdiwang, ito ay karapat-dapat hangaan at kainggitan. Ang mga tao ay dapat naghahangad ng ikabubuti niya, at nagsisikap na mapalapit sa kanya at matularan siya. Subalit may sinasabi bang anumang katulad nito ang mga tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan? (Wala.) Paano sila magsalita? Ang bawat pangungusap ay may kasamang mararahas na salita at may bahid ng pagkamuhi. Bakit sila nakapagsasalita nang ganito? Ito ay dahil hindi sila kontento at hindi sila nasisiyahan sa sarili nilang kalagayan, dahil nagkikimkim sila ng sama ng loob, at sa gayon ay ibinubunton nila ang galit nila sa mayamang kapatid na ito. Bilang isang mananampalataya ng Diyos, dapat na pahalagahan, hangaan, kapulutan ng kaalaman, at tularan ng isang tao iyong mga aktibong nakagagawa ng kanilang tungkulin at nakapaghahangad sa katotohanan. Sa halip na matuto mula sa mga kalakasan ng kapatid para mapunan ang mga sarili nilang kahinaan, binabansagan pa siya ng mga taong ito bilang hangal at umaasa pa nga silang didiborsiyohin siya ng kanyang asawa; hinihintay nila ang kanyang pagbagsak. Kung sakaling talagang didiborsiyohin ang kapatid na iyon ng kanyang asawa, hindi ba’t matutuwa sila? Hindi ba’t matutupad ang kahilingan nila? Sinasalamin nito ang mga tunay nilang damdamin, at pati na rin ang kanilang layunin at pakay. Hindi sila naghahangad ng ikabubuti ng iba; ang makitang nasa mabuting kalagayan o mas mahusay sa kanila ang ibang tao ay pumupuno sa kanila ng inggit at sama ng loob. Gaano man kalakas ang pananampalataya ng ibang tao sa Diyos, kung ang indibidwal na iyon ay mas magaling kaysa sa kanila, hindi nila ito matatanggap. Ganap na wala silang pagkatao, at walang kakayahang bumigkas ng kahit isang salita ng pagpapala o pagbibigay-aral. Bakit hindi nila kayang magbanggit ng gayong mga salita? Dahil napakasama ng kanilang pagkatao! Hindi sa hindi nila gustong magsalita, o na wala sila ng mga tamang salita; kundi, dahil puno ng inggit, sama ng loob, at galit ang puso nila kaya’t imposible para sa kanila na magbanggit ng mga salita ng pagpapala. Kung ganoon, maipahihiwatig ba ng katunayang puno ang puso nila ng gayong mga tiwaling bagay na malisyoso ang pagkatao nila? (Oo.) Maipahihiwatig nito. Dahil nagpapakita sila ng gayong mga tiwaling disposisyon, nagiging madali para sa iba na makilatis ito, at nahahalata ng iba ang tiwaling diwa nila.

Narito ang isa pang halimbawa. May isang kapatid na, bago manampalataya sa Diyos, ay palaging nakikipag-away sa asawa ng kanyang bayaw. Kalaunan, pareho silang nagsimulang manampalataya sa Diyos at, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, natutunan nila ang ilang katotohanan. Napagtanto nila kung paano dapat umasal at makisama sa iba ang isang tao, at habang nabubunyag ang kanilang katiwalian, nagawa nilang maging bukas sa isa’t isa at subuking kilalanin ang sarili nila, na ginawang mas maayos ang kanilang relasyon. May mga tao na maiinggit sa kanila at magsasabing, "Tingnan mo sila, nananampalataya sa Diyos ang buo nilang pamilya at ang maghipag ay para lang tunay na magkapatid. Hindi ba’t dahil itong lahat sa pananampalataya nila sa Diyos? Ang mga pamilya ng mga walang pananampalataya ay hindi talaga kayang magkasundo, palaging nag-aaway at nakikipagkompetensya sa isa’t isa, kahit na ang magkakapatid mula sa iisang ina. Mas mabuti ang mga mananampalataya; kahit na hindi tunay na magkapatid ang maghipag, hangga’t sila ay nananampalataya sa Diyos, may magkakatulad na layong hinahangad, tumatahak sa parehong landas, at pareho ang lengguwahe, magkatugma sila sa espiritu, na napakaganda!” Ipinakikita nito na ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay naiiba kaysa sa mga walang pananampalataya. Nagsasama-sama ang mga tao mula sa magkakaibang pamilya na may magkakatulad na layon at hangarin, magkakatugma sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos. Ang pakay sa pagsasabi nito ay para ipaalam sa mga tao na ito ang epekto ng mga salita at gawain ng Diyos, isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao. Ito ay isang bagay na wala at hindi kayang tamasain ng mga walang pananampalataya. Kahit papaano man lang, pagkatapos marinig ito ay mararamdaman ng isang tao na mabuti ang manampalataya sa Diyos at magkakaroon siya ng magandang impresyon sa pananampalataya sa Diyos. Subalit pakinggan ang sasabihin ng taong mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan tungkol dito: “Naku! Maaaring nakikita mo na tila nagkakasundo sa panlabas ang maghipag na iyon, maayos ang lahat tuwing mga pagtitipon—subalit hindi ba’t nagtatalo rin sila kung minsan? Hindi mo alam, napakatindi nilang magtalo dati!” Sinasabi ng iba, “Ang mga dati nilang alitan at pagtatalo ay dahil hindi sila nanampalataya sa Diyos at hindi nila naunawaan ang katotohanan. Magkasundong-magkasundo na sila ngayon! Ito ay dahil ngayon ay pareho na silang nananampalataya sa Diyos, nakauunawa sa ilang katotohanan, at kaya nang maging bukas sa isa’t isa sa pagbabahaginan at nalalaman ang sarili nilang mga katiwalian, at madalas na ginagawa ang mga tungkulin nila nang magkasama. Bagaman may kaunting iringan pa rin sa pagitan nilang dalawa, karaniwan ay kaya nilang aminin sa isa’t isa ang mga pagkakamali nila, at konsultahin ang isa’t isa sa lahat ng ginagawa nila. Ito ay isang bagay na hindi kayang makamit ng sinumang walang pananampalataya, kahit pa sa mga kadugo nila.” Subalit, sinasabi ng taong nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan na, “Aling pamilya ba ang hindi nag-aaway? Lalo na ang maghihipag, maging ang magkakapatid sa dugo ay nag-aaway, tama? Ang pagkakaisang tila mayroon sila ngayon ay pakitang-tao lang para sa iba. Sa sandaling mamatay ang biyenan nila, hindi ako maniniwalang hindi nila pag-aawayan ang mana! Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay isang hangarin lang, isang uri ng espirituwal na kaaliwan? Talaga bang kaya nilang isuko ang napakalaking yaman dahil dito? Imposible!” May isang pahayag ba sa mga salitang ito ang naaayon sa mga katunayan? Mayroon bang anumang hangarin para sa mabuting kapakanan ng iba, anumang pagpapala? (Wala.) Mayroon bang anumang nagpapahayag ng personal na sentimiyento na ang pananampalataya sa Diyos ay tunay ngang mabuti, pagkatapos makitang tinatamasa ng iba ang biyaya ng Diyos tulad ng pagtamasa nila? (Wala.) Sa pananaw ng mga nambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, ang mga personal na pagbabagong nagaganap sa mga kapatid ay lahat panlilinlang; ang pagtatamo ng katotohanan at ang mga pagbabago sa disposisyon na nagmumula sa pananampalataya sa Diyos ay lahat huwad; hindi sila naniniwalang kayang dalisayin ng Diyos ang mga tao, na kayang baguhin ng Diyos ang mga tao. Mula sa mga salita nila, makikita ng isang tao hindi lang ang kanilang arbitraryong panghuhusga, pagkamuhi, at pagsumpa sa mga tao, kundi pati na rin ang kawalang pananampalataya at pagkakaila nila sa epektong nakamit ng gawain at mga salita ng Diyos sa mga tao. May magandang relasyon ang maghipag, at nagpapakita sila sa isa’t isa ng pagpaparaya at pasensiya kapag magkasama sila, dahil sa pananampalataya nila sa Diyos. Hindi komportable at hindi nasisiyahan sa kanyang puso ang taong ito na mahilig mambaluktok ng mga katunayan at kasinungalingan, kaya sinusubukan niya ang lahat ng posibleng paraan para maghasik ng sigalot sa pagitan ng maghipag, magiging masaya kung mapagtatalo at mapag-aaway niya ang maghipag sa pagtatagpo ng mga ito. Anong klaseng pag-uugali ito? Anong klaseng mentalidad ito? Batay sa kanyang mentalidad, hindi ba’t medyo baluktot ito? (Oo.) Pagdating naman sa kanyang ugali, hindi ba’t kahindik-hindik ito? (Oo.) Subalit, nakikilahok pa rin sa buhay-iglesia ang mga ganitong uri ng tao, at sa mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin, maraming ganitong tao. Ang mga taong ito ay karaniwang tinutukoy na may “nakakalasong dila.” Ang totoo, hindi lang nakakalason ang dila nila; ang panloob na mundo nila ay napakadilim at napakamakamandag! Anumang magagandang patotoong batay sa karanasan na maaaring ibahagi ng mga kapatid, sa paningin nila, lahat ng ito ay artipisyal at guni-guni, at walang espesyal sa mga ito. Sinuman ang ginagawan ng Diyos ng gawain ng paghatol at pagkastigo, na nagdudulot ng malalaking kapakinabangan, kung kaya’t nagagawa niyang tumayo at magbahagi ng kanyang karanasan at magpatotoo sa Diyos—sa kaibuturan ng mga indibidwal na ito, hinahamak nila ito, iniisip na, “Ano ba ang napakagaling doon? Matapos makinig ng napakaraming sermon, hindi ba’t kahit sino ay magkakaroon ng kaunting pang-unawa? Nagsusulat ka lang ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan at nasisiyahan ka na, itinuturing mo na ang iyong sarili na isang mananagumpay? Gusto kong makita kung magrereklamo ka pa rin ba tungkol sa Diyos kapag nagkaaberya ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Kung kukunin sa iyo ng Diyos ang iyong anak, gusto kong makita kung iiyak ka, at kung patuloy ka pa rin bang makapananampalataya sa Diyos noon!” Ano sa tingin ninyo ang pumupuno sa kanilang puso? Hindi ba’t ito ay isang hangarin na masadlak ang buong mundo sa kaguluhan, isang takot na tahakin ng mga tao ang tamang landas? Sa kabuuan, anuman ang mangyari sa pamilya ninuman, kailangan nilang magbigay ng ilang komento tungkol dito, subalit anuman ang sabihin nila, ang lahat ng taong ito ay may iisang katangian, na inaasam nilang walang sinuman ang nasa magandang kalagayan—nagsasalita sila tungkol sa lahat ng tao na para bang walang anumang merito ang mga ito; masaya silang pag-usapan ang iba na para bang basura ang mga ito, at palagi silang nagagalak sa kasawian ng iba. Kung ang isang tao ay may mayamang pamilya, naiinggit, nagagalit, at namumuhi sila, palaging nagrereklamo sa puso nila, at nag-aasam na alisin ng Diyos ang yaman at biyayang tinatamasa ng taong iyon at ibigay iyon sa kanila. Ang mga reklamong binibigkas ng mga indibidwal na ito sa likod ng mga tao ay masakit pakinggan. May pagkakatulad ba sila sa mga mananampalataya ng Diyos sa anumang paraan? Siyempre, ang mga ganitong uri ng tao ay mahusay rin sa pagpapanggap. Gaano man kakamandag o kadilim ang puso nila, sa presensiya ng mga kapatid sa mga pagtitipon, magbabahagi rin sila ng kanilang pagkaunawa at mga kabatiran, bibigkas ng magagarbong doktrina para magbalatkayo, at bubuo ng isang “maluwalhati” at mabuting imahe para sa sarili nila. Subalit sa likod ng mga eksena, hindi sila nagsasalita o kumikilos na parang mga tao. Karamihan sa mga tao, kung hindi pa nila nakakasalamuha ang mga indibidwal na ito at hindi pa nila alam ang mga tunay na pagpapamalas ng mga ito o kung ano ang nasa kaibuturan ng puso ng mga ito, matapos lang marinig ang mga ito na magsalita nang tama sa mga pagtitipon, ay hindi matutuklasan kung gaano kasama o kalupit ang pagkatao ng mga ito, o kung gaano kababa ang karakter ng mga ito, kundi iisipin pa ngang mabuti ang mga ito. Pagkatapos lang gumugol ng mas maraming panahon kasama ang mga ito at maunawaan ang mga kilos at pag-uugali ng mga ito sa likod ng mga eksena, saka unti-unting magiging mapagkilatis ang mga tao sa mga ito at makararamdam ng pagkasuklam. Samakatwid, ang pagkilatis sa isang tao ay hindi lang dapat nakabatay sa magagandang salitang binibitawan nito sa mga pagtitipon; dapat ding pagmasdan ng isang tao ang mga kilos at salita nito sa buhay sa likod ng mga eksena para makita ang diwa at tunay na mukha nito.

Bukod sa hindi pagsasalita tulad ng mga tao, may isa pang katangian ang uri ng tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan: Gusto nilang magkomento sa lahat ng tao at lahat ng bagay, maging iyong mga hindi pamilyar sa kanila o hindi pa nila kailanman nakasasalamuha, at hindi rin nila pinapalampas maging ang pinakamaliliit na usapin sa buhay ng ibang tao. Ang kinalalabasan ng pagkokomento nila ay na kahit gaano pa kapositibo ang isang bagay, binabaluktot ito ng kanilang pananalita para maging negatibo; kahit gaano pa kawasto ang isang bagay, nababaluktot ito para maging isang bagay na negatibo kapag dumaraan ito sa napakasasama nilang labi. Pinasasaya sila ng mga ito, kaya nakakakain sila nang maayos at nakakatulog nang mahimbing. Sabihin ninyo sa Akin, anong klaseng nilalang ito? Halimbawa, kung ang ilang kapatid ay kumita nang maganda ngayong taon at may mas maalwang kalagayang pinansyal—naghahandog ng medyo mas malaki, higit sa ikasampu ng kanilang kita—naiinggit sila at nagsasabing, “Bakit napakalaki ng inihahandog mo ngayong taon? Ang pagtukoy ng Diyos sa kung mabuti ba o masama ang isang tao ay hindi batay sa kung gaano kalaki ang inihahandog mo. Anong silbi ng pagiging masigasig mo? Hindi kapos sa pera ang sambahayan ng Diyos.” Lumalabas na naman ang mga hindi kanais-nais na salita, hindi ba? Sinuman ang gumagawa ng wastong bagay o ng bagay na naaayon sa katotohanan, hindi ito katanggap-tanggap para sa kanila, at nakararamdam sila ng labis na pagkasuklam sa kanilang puso. Sinusubukan nila ang lahat ng paraan para makontrol ka, naghahanap ng mga palusot para atakihin, akusahan, at kondenahin ka, hanggang sa magapi ka nila at matanggal nila ang pagiging positibo mula sa iyo, iniiwan kang lubos na naguguluhan, at hindi magawang mapag-iba kung ano ang tama at kung ano ang mali. Pagkatapos ay masaya silang tumatawa, lihim na kinukutya ka at sinasabi sa sarili nilang, “Hanggang ganito lang pala ang kaya mo, subalit nagsasalita ka pa tungkol sa patotoong batay sa karanasan!” Isa itong diyablo na nagpapakita ng tunay na kulay nito, hindi ba? Hindi ba’t ito ang mga salita ng isang tagapaglingkod ni Satanas, ng isang anticristo? (Oo.) Habang mas nagsasalita Ako tungkol sa ganitong uri ng tao, mas nagagalit at nasusuklam Ako. Nakatagpo na ba kayo ng gayong mga indibidwal? Anuman ang itsura o mga katangian ng mukha nila, kapag sila ay mambabaluktot na ng mga katunayan at kasinungalingan, nagiging kakaiba ang kanilang mga ekspresyon: nakangiwi ang mga labi, nakalihis ang mga mata, hindi tumitingin nang diretso sa iba, at tila nawawala sa pagkakaayos ang mga bahagi ng mukha ng ilang tao. Senyales itong ipinadadala sa iyo, sinasabi sa iyong magsasalita na sila na parang hindi mga tao. Ano ang gagawin mo, kung gayon? Tatanggapin mo ba ang senyales na ito o haharangan ito? (Haharangan ito.) Kailangan mong dumistansiya sa kanila, at sabihin sa kanilang: “Huwag kang magsalita; ayaw kong marinig ito. Masyado kang matsismis. Kung hindi ka magsasalita na parang isang tao, lumayo ka sa akin. Ayaw kong maapektuhan ng panggugulo mo; ayaw kong madamay sa mga di-wastong interpersonal na relasyong ito. Hindi ko papansinin ang isang tulad mo.” Pagmasdan at tingnan ninyo kung sino sa inyo ang mahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, kung sino ang nagtataglay ng gayong pag-uugali, at agad kayong dumistansiya sa kanila. Ano ang katangian ng pagkatao ng mga indibidwal na ito? Ito ay makamandag na pagsasalita, o sa mas kolokyal na pananalita, pagkakaroon ng “nakalalasong dila.” Sa paglalantad ng mga makamandag na salita nila, makikita mo ang iba’t ibang pahayag na inilalabas nila; sa pamamagitan ng mga pahayag nila, makikita mo ang kanilang panloob na mundo, at eksaktong matutukoy kung ano ang pagkataong diwa nila, at kung sila ba ay masasamang tao. Ang ganitong uri ng mga tao, na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, sa pamamagitan ng iba’t ibang senyales at pahayag na inilalabas nila, ay nagpapahintulot sa iba na malinaw na matukoy sila bilang masasamang tao. Ang ganitong uri ng mga tao ay lubos na nakatutugon sa pamantayan para mapaalis o mapatalsik; hindi dapat sila pakitaan ng awa. Dapat silang mapaalis at hindi dapat mapahintulutang magdulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga katangian ng uri ng mga tao na mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at dapat na maging malinaw mula sa sitwasyon sa pananampalataya nila sa Diyos at mula sa mga pagpapamalas ng kanilang pagkatao na sila ay isang uri ng tao na salungat sa katotohanan, at na hindi nagmamahal sa katotohanan. Mababa ang pagkatao nila sa puntong hindi na sila tinatablan ng katwiran at wala man lang silang pinakapayak na moralidad ng tao; sa partikular lang nilang kaso, ang katangian ng mababa nilang pagkatao ay na labis silang mahilig sa pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan. Mula sa mga salitang binibigkas nila, mapagmamasdan ang katangian ng pagkatao nila at ang pagkataong diwa nila; malinaw na ang ganitong uri ng tao ay mga indibidwal na may mababang pagkatao. Gaano kababa ang pagkatao nila? Mababa ito, umaabot sa punto ng pagiging masama, sa gayon ay naglalagay sa kanila sa kategorya ng masasamang tao. Ito ay dahil ang mga salitang karaniwan nilang sinasabi ay hindi lang paminsang-paminsang pagrereklamo, pagpapahayag ng kaunting inggit, o paminsan-minsang pagpapakita ng kaunting kahinaan ng tao; ang mga pagpapamalas nila ay hindi katulad ng sa isang karaniwan at ordinaryong tiwaling disposisyon, kundi sapat na para patunayan na maaari silang ikategorya bilang masasamang tao. Ito ang unang uri ng tao: iyong mahihilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan.

B. Pagkahilig na Manamantala

Ang ikalawang uri ng mga tao ay ang mga mahilig manamantala. Tiyak na may mga kuru-kuro ang ilang tao pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa pagkahilig na manamantala, iniisip na, "Sino bang tiwaling tao ang hindi mahilig manamantala? Kalikasan ito ng tao; hangga’t hindi ito paggawa ng kasamaan, ano ba ang napakaseryoso sa kaunting pananamantala?" Ang pagkahilig na manamantala na pinagbabahaginan natin dito ay higit pa sa saklaw ng pagkahilig ng normal na tao na manamantala—umaabot ito sa punto ng kasamaan. Marami-rami marahil ang ganitong uri ng tao sa iglesia, o kahit papaano ay isang bahagi man lang. Sa pagpapalusot na "lahat tayo ay magkakapatid," nananamantala sila kung saan-saan—nananamantala sa mga kapatid, sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia. Ano ang mga ginagawa nilang pananamantala? Halimbawa, kung kinakailangang bumili ng bahay ng pamilya nila subalit wala silang sapat na pera, hindi sila lumalapit sa mga kamag-anak o kaibigan para manghiram ng pera, ni pumupunta sa bangko para mangutang; nangungutang sila sa mga kapatid, nang hindi binabanggit ang tungkol sa interes o kung kailan nila babayaran ang utang—inuutang lang nila ito. Ang sabihing “inuutang” nila ito ay pagsasabi nito nang maganda; ang katunayan ay kinukuha lang nila ito, dahil wala naman silang balak na ibalik ang pera o magbayad ng interes. Bakit nila tinatarget ang mga kapatid? Iniisip nila na dahil lahat sila ay mga kapatid, dapat silang tumulong sa oras ng pangangailangan, at kung may sinumang hindi tutulong ay hindi siya kapatid. Kaya, lumalapit sila sa mga kapatid para mangutang ng pera, nagdadahilan para maiparamdam sa mga kapatid na tama at nararapat lang na magpautang sa kanila ng pera. Nakikita ng iba pang tao na nagmamay-ari ng kotse ang pamilya ng isang kapatid at lagi nila itong iniisip, palaging hinihiram ito kada ilang araw. Hinihiram nila ito subalit hindi ito isinasauli, at hindi ito pinalalagyan ng gasolina, at minsan pa nga ay nagagasgasan o nababangga nila ang kotse. Nagnanasa at nagpapakana sila matapos makita ang anumang masarap na pagkain, kapaki-pakinabang na bagay, o anumang bagay na may halaga sa bahay ng iba, pinag-iimbutan ito para sa sarili nila. Kaninumang bahay sila magpunta, nagniningning sa kasakiman ng magnanakaw ang mga mata nila habang naghahanap at tumitingin sila kung saan-saan, naghahanap ng anumang kalamangang maaari nilang makamit o anumang bagay na maaari nilang makuha—hindi nila palalagpasin maging ang isang maliit na halamang de-paso. Kapag lumalabas o kumakain kasama ang iba, hindi sila kailanman nag-aalok na magbayad para sa transportasyon o pagkain. Tuwing may nakikita silang isang magandang bagay ay gusto nilang bilhin ito, subalit kapag oras na para magbayad, pinasasalo nila sa iba ang bayarin at pagkatapos ay hindi man lang nila binabanggit ang usapin ng pagbabayad sa mga ito; gusto lang nilang manamantala, kahit para makakuha lang ng barya-barya. Kung gusto mong magkaroon ng magagandang bagay, ikaw mismo ang dapat magbayad para sa mga ito; kung ayaw mong magbayad gamit ang sarili mong pera, huwag ka ring maghangad na manamantala ng iba, at huwag kang maging masyadong gahaman; dapat mayroon kang kaunting integridad para makuha mo ang paggalang ng ibang tao. Subalit walang integridad ang ganitong uri ng indibidwal, gusto lang na manamantala, at mas lalo silang sumasaya habang mas nakakapanamantala sila. Ang paglitaw ba ng gayong mga tao sa iglesia ay isang kahihiyan o isang kaluwalhatian? (Isang kahihiyan.) Isa itong kahihiyan. Masasabi ba ninyong kinakailangan ang pananamantala nila nang ganito? Dahil ba ito sa hindi nila kayang bumili ng pagkain o sa hindi nila kayang tustusan ang pagkain ng kanilang pamilya? Hinding-hindi. Ang totoo, may sapat silang pera para gastusin at sapat na pagkain para kainin; sadyang napakatindi lang ng kasakiman nila, hanggang sa puntong tinatanggalan na sila nito ng kanilang integridad, at hanggang sa puntong nag-uudyok na ito ng pagkamuhi at pagkasuklam sa iba. Mabuti ba ang gayong tao? (Hindi.) May ilang tao na palaging naghahangad na manamantala kapag gumagawa ng mga tungkulin nila, nakararamdam ng pagkaagrabyado kapag nadedehado sila kahit kaunti, at nakararamdam ng pangangailangang magsalita tungkol dito. Kapag itinalaga sila sa isang gampanin, palagi nilang binabanggit ang paksa ng pera: “Ang pamasahe para sa isang biyahe ay magiging ganito-at-ganyan, ang panunuluyan ay magkakahalaga ng ganito-at-ganyan, ang pagkain ay magkakahalaga ng ganito-at-ganyan, at iba pa.” Sinasabihan silang, “Huwag kang mag-alala sa pera, ang iglesia ang magbibigay nito.” Subalit pagkatapos matanggap ang pera, pinoproblema nila ito, sinasabing: “Hindi ito sapat. Ano ang magagawa ko roon gamit lang ang 200 yuan? May kasabihan, ’Magtipid sa bahay subalit magdala ng maraming pera kapag naglalakbay.’ Kailangan kong magdala ng karagdagan pang pera panreserba; kung hindi ko iyon magagamit lahat, ibabalik ko ang natitira sa iglesia.” Pagbalik nila, wala silang binabanggit na anuman tungkol sa kung may natira pa bang pera, at hindi nila iniuulat ang mga nagastos nila. Nangangahas pa nga silang manamantala sa iglesia; mangangahas ba silang lustayin ang mga handog sa Diyos? (Oo.) Anong uri ng mga nilalang sila? Wala silang integridad, gayundin ng konsensiya at katwiran. Sasang-ayunan ba ng Diyos ang gayong mga tao? May iba pa ngang pumupunta sa mga lugar ng pagtitipon o mga lokasyon sa pagho-host para maligo, paliguan ang kanilang buhok, at maglaba, gamit ang washing machine, water heater, shampoo, sabong panlaba, at iba pa ng iglesia; sinasamantala nila maging ang mga kagamitang ito, ginagamit ang mga pag-aari ng iglesia, para makatipid sa mga sarili nilang gamit. Iniisip nila na dahil nananampalataya sila sa Diyos ay bahagi sila ng sambahayan ng Diyos, kaya anumang bagay na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ay malaya nilang magagamit, iniisip na sayang naman kung hindi ito gagamitin, o hindi ito kukunin, o hindi ito pakikinabangan; at kahit pa masira nila ito, wala silang balak na magbayad. Pagdating sa sarili nilang mga pag-aari, alam nilang tipirin ang paggamit ng mga ito at metikulosong pag-ingatan ang mga ito, subalit ginagamit nila ang mga kagamitan at aytem ng sambahayan ng Diyos paano man nila gustuhin, nang hindi nagbabayad kapag nasira nila ang mga ito. Mabubuting tao ba ang mga ito? Tiyak na hindi sila mabuti. Lalo na sa ilang pagkakataon kung saan kinakailangan ng iglesia na bumili ng ilang gamit, aktibo silang nagboboluntaryo, handang-handang asikasuhin ang gayong mga gampanin. Bakit sila masyadong masigasig? Naniniwala silang may pakinabang na makakamit, at mga kalamangan na makukuha; pagkatapos bilhin ang mga gamit, ibinubulsa nila ang anumang natirang pera para sa sarili nila. Gusto nilang manamantala sa anumang paraang makakaya nila, iniisip na magiging sayang lang kung hindi nila ito gagawin; ito ang lohikang sinusunod nila. Kung hindi sila makakapanamantala, isinusumpa nila ang mga kapatid at isinusumpa ang sambahayan ng Diyos—isinusumpa nila ang lahat; sadyang masamang demonyo sila, isang mabahong pulubi, isang ganap na manlilimos, iniaabot ang mangkok niya kung saan-saan para makapanlamang ng mga benepisyo at makapanamantala. Sinasabi ng mga tao na, "Palagi kang nanghihingi ng mga bagay-bagay; hindi ba’t isa ka lang mabahong pulubi?" Sumasagot sila, "Ayos lang, tawagin na ninyo ako ng kahit ano—kuripot, maramot, mabahong pulubi, manlilimos, dukha—ayos lang hangga’t makakalamang ako." May anumang integridad ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Hindi ba’t nagdudulot ng isang antas ng kaguluhan sa mga kapatid ang gayong mga tao? Lalo na sa mga pamilyang namumuhay sa mahirap na sitwasyon, na kapos sa pananalapi, hindi ba’t nagdudulot sila ng isang antas ng kaguluhan at pinsala? (Oo.) Maaari ba nilang negatibong maapektuhan iyong mga mura pa ang tayog at labis na marupok? (Oo.) Nasusuklam ang mga tao makita pa lang sila; naiirita ang lahat ng nakakakita sa kanila, subalit masyadong nahihiya ang mga ito na tumanggi, kaya’t hinahayaan ng mga ito ang sarili nila na hayagang makikilan nila. Alam ng lahat na may masamang pagkatao at mababang karakter sila, subalit, kung isasaalang-alang na silang lahat ay mga kapatid, at dahil nakikitang minsan ay nakagagawa sila ng ilang tungkulin, na may kaunti silang pananampalataya, at paminsan-minsan ay medyo nagsisikap sila sa pamamagitan ng pagho-host sa tahanan nila—para sa kapakanan ng mga bagay na ito, pinipili ng karamihan ng mga tao na magbulag-bulagan sa pag-uugali nila ng pananamantala saanman sila magpunta, at huwag itong seryosohin. Gayumpaman, ang mga panggugulong idinudulot nila sa loob ng iglesia ay palala nang palala, sapat na para magdulot ng pagkabalisa sa karamihan ng mga tao; hindi ba’t problema ito? (Oo.) Ang mga indibidwal na ito, kahit pa hindi sila mga asong ulol na nangangagat ng mga tao kung saan-saan at maaaring makapatay sa pagkagat ng mga ito, ay parang nakakainis na mga langaw na hindi pinagpapahinga ang mga tao sa pangungulit ng mga ito. Kung hindi sila paaalisin, magdudulot sila ng walang katapusang kaguluhan. Ang pananatili nila sa iglesia ay patuloy na hahantong sa kapahamakan, na pagkakaitan ng kapayapaan ang mga tao. Pagkatapos maabala, nakararamdam ng matinding pagkainis ang mga tao, madalas na nagkikimkim ng pagkamuhi sa gayong mga indibidwal; subalit dahil walang kalutasan, tinitiis na lang nila ito nang paulit-ulit. Anong uri ng mga indibidwal sila? Mayroon pa ngang gayong mga kasuklam-suklam na tampalasan sa mga tao; bakit ba nananampalataya pa sa Diyos ang gayong mga indibidwal? Sadyang hindi sila karapat-dapat na mabuhay! Nananamantala sila ng anumang makakayanan nila—sobrang kahiya-hiya! Tamasahin mo na lang ang pinakaraming materyal na bagay na kaya mong tamasahin; kung wala kang kakayahan, huwag kang magtamasa, o manglustay ng pagmamay-ari ng iba. Kung mananamantala ka sa isang maliit at di-makabuluhang paraan dahil may iba na mapagkawanggawang nag-aalok ng isang bagay nang libre paminsan-minsan, o dahil mayroon kang partikular na pagkagusto sa isang bagay, o nahulog ang loob mo sa isang bagay, mapapatawad iyon ng lahat. Ayon nga sa isang kasabihan, “Nililimitahan ng kahirapan ang ambisyon;” hindi iyon isang malaking problema. Subalit kung palagi kang naghahangad ng mga kalamangan tulad nito, hanggang sa punto ng pagiging walang-hiya at walang pakundangan tungkol dito, at pagiging isang mabahong pulubi, o pagiging isang asong ulol o langaw sa paningin ng lahat, dapat kang kaagad na paalisin. Ang ganitong uri ng mga tao ay dapat ganap nang pangasiwaan para matuldukan na ang lahat ng isyung ito.

Para sa mga taong mahilig manamantala sa iba, hanggang saan ninyo sila kayang tiisin? Kung talagang hindi ninyo na sila kayang tiisin, at pakiramdam ninyo ay parang nakalunok kayo ng patay na langaw pagkatapos nila kayong masamantala—kung saan karamihan sa inyo ay hindi na makontrol ang galit ninyo at palaging nagrereklamo tungkol sa kanila kapag kayo ay magkakasama—sa puntong ito, hindi ba’t dapat ay napaalis na sila? (Oo.) Kapag hindi na ito matatagalan pa, kapag umabot na ito sa sukdulan, dapat magtulungan ang lahat para paalisin sila. Ito ay pagtatanggal sa isang salot mula sa sambahayan ng Diyos, isa itong bagay na labis na makapagpapalugod sa mga tao. Ang gayong tao ay isa lang mababang-uring tao, na nagdudulot ng kaguluhan sa karamihan ng mga tao. Maituturing ito na isang malubhang insidente na gumugulo at gumagambala sa buhay-iglesia, pinupuwersa ang mga tao na magsama-sama para pagbahaginan at lutasin ang problema kaugnay sa taong ito. Makatarungan ang pagsasagawang ito, sapagkat ang kaguluhang dulot ng masamang taong ito ay nakapinsala na sa ilang tao. Para mapigilan ang masamang tao sa patuloy na paggawa ng kasamaan, para mapanatili ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia, at para mapigilan ang hinirang na mga tao ng Diyos na mas lalong mapinsala, ang masamang tao ay dapat kaagad na mapangasiwaan at alisin. Kung maaari nilang iulat ang iglesia matapos silang paalisin, dapat matalinong maiparating sa kanila na: “Hindi ka pinaaalis o pinatatalsik. Umuwi ka muna para bumukod at magnilay sa iyong sarili. Kapag nakapagnilay ka na nang mabuti, magsulat ka ng liham ng pagsisisi, at pagkatapos ay maaari ka naming muling tanggapin sa iglesia. Sa ngayon, sikapin mo munang kumita ng mas maraming pera at magsaya sa buhay; bukod pa rito, pag-isipan mo ang usapin ng pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo mapababayaan ang parehong aspekto.” Ano ang tingin ninyo rito? (Mabuti.) Hindi natin sasabihing pinaaalis o pinatatalsik siya; iyon nga lang, mula sa araw na ito ay hindi na mananatili ang taong ito sa iglesia. Paano kung pangangasiwaan ito sa ganitong paraan? (Mabuti ito.) Napakahusay nito! Walang pangangailangan para sa mga argumento o pagsasaayos ng mga atraso, isang simple at malinaw na solusyon lang, hayaan silang bumalik sa mundo para magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay ng sarili nilang buhay. Bilang pagbubuod, hindi naman ganoon kabuti ang pagkatao ng mahihilig manamantala ng iba. Bagaman hindi masasabing masama ito, ang karakter nila ng pagkahilig na manamantala ay ginagawa silang lubhang nakaiinis at kasuklam-suklam. Sinasamantala nila ang bawat posibleng pagkakataon! Kahit pa hindi gumawa ng mga ilegal o kriminal na gawain ang gayong mga tao, ang pangmatagalang pagkagambala at panggugulong idinudulot ng mga kilos at pag-uugali nila sa buhay-iglesia—ang mga kinahihinatnang ito—ay mas malala pa kaysa sa anumang masamang gawa; sapat na ang mga ito para kilalanin sila bilang mga hindi mananampalataya o bilang masasamang tao na paaalisin sa iglesia. Ang paggawa nito ay ganap na titigil sa mga panggugulo sa iglesia at sa panliligalig ng mga hindi mananampalataya sa mga kapatid.

Dati nating pinagbahaginan ang tungkol sa isang espesyal na paraan ng pangangasiwa sa mahihilig manamantala, isang pamamaraan na binuo batay sa mga espesyal na sitwasyon ng pang-uusig sa mainland. Sa mga iglesia sa ibang bansa, ayos lang na direkta silang paalisin. Gayumpaman, anumang uri ng mga tao ang target ng isang paraan ng pangangasiwa, kinakailangang tiyakin na ito ay parehong maprinsipyo at may karunungan. Ang iglesia ay may mga atas administratibo at alituntunin, na lahat naglalayong protektahan ang normal na buhay-iglesia para sa mga kapatid at ang normal na kaayusan sa paggawa ng mga tungkulin. Kung may sinumang gumugulo sa buhay-iglesia o sa pagtupad ng tungkulin ng mga kapatid, hindi ito pinahihintulutan; ang taong iyon ay itataboy ng Diyos. Tiyak na ang anumang panliligalig o panghihimasok sa pang-araw-araw na buhay ng mga kapatid ay hindi pinahihintulutan. Ito ay isang isyu na responsabilidad ng mga lider at manggagawa na lutasin. Maaaring may mga indibidwal na kamag-anak, kaibigan, o kakilala ng mga kapatid, na habang nagkukunwaring sila ay “mga kapatid,” ay naghahangad na akitin at ilihis ang mga kapatid, hinahadlangan silang gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang mga lider at manggagawa, o ang mga kapatid, ay may obligasyon at responsabilidad na pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Ang pag-uugali at mga pagkilos nila ay humahadlang sa paggawa ng iba ng mga tungkulin nito at pagsunod sa Diyos, at nagdudulot din ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia, kaya dapat na manguna ang mga lider at manggagawa para lutasin ang sitwasyon at magpatupad ng mga kaukulang paghihigpit. Siyempre, may mga naaangkop tayong pamamaraan sa pagharap at pangangasiwa sa gayong mga indibidwal. Hindi na kinakailangang manakit o manermon; kailangan lang nating gawing malinaw sa kanila ang diwa ng problema nila, at ang mga akusasyon at paratang laban sa kanila ng karamihan ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa huli ay sabihin sa kanilang: “Ang pagpapaalis sa iyo ay isang desisyon na ginawa at sinang-ayunan ng karamihan.” Sumasang-ayon ka man o hindi, may awtoridad ang iglesia na gawin ang desisyong ito at pangasiwaan ka nang naaayon sa nararapat. Dapat kang sumunod." Sa gayon ay nalutas ang isyung ito, at ang gayong pangangasiwa ay ganap na maprinsipyo. Para sa mga taong mahilig manamantala, dapat silang tratuhin at pangasiwaan nang ayon sa mga prinsipyo. Kung gusto nilang manghiram ng isang bagay para samantalahin ka, maaari mo itong ipahiram sa kanila kung gusto mo, o maaari kang tumanggi kung ayaw mo; nasa sa iyo ang desisyon. Ang pagpapahiram sa kanila ay isang kabutihang-loob; ang pagtanggi ay karapatan mo. Kung sasabihin nilang, "Hindi ba’t magkakapatid tayong lahat? Napakakuripot mo naman, ni ayaw na magpahiram ng isang bagay!" maaari kang sumagot ng, "Pag-aari ko ito, at may karapatan akong hindi ito ipahiram. Ito ay naaayon sa mga prinsipyo. Huwag mo akong pilitin gamit ang ’magkakapatid tayong lahat’; ang sinasabi mo ay hindi ang katotohanan. Maliban na lang kung sabihin ng Diyos na, ’Kailangang ipahiram mo ito sa kanila,’ saka ko lang ito ipahihiram sa inyo." Walang sinuman ang may karapatang mangikil o manghiram ng personal na pag-aari nang nagkukunwari na iglesia o sa ideya na "Lahat tayo ay mananampalataya at lahat magkakapatid." Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katotohanan. Tanging sa pagsunod sa katotohanang ito na maaaring matiyak ang pagiging patas para sa lahat, at na makapagtatamasa ang lahat ng kanilang mga tunay na karapatan. Subalit kung ginagamit ng isang tao ang mga palusot na “ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos,” “ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia,” o “ang mga pangangailangan ng mga kapatid” para mangikil o manghiram ng mga personal na gamit, naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi ito naaayon.) May karapatan ka bang tanggihan ang mga kahilingang hindi naaayon sa katotohanan? (Oo.) At kung may isang taong tatawag sa iyo na kuripot o maramot dahil sa pagtanggi mo, matatakot ka ba? (Hindi.) Kung gagawing malaking usapin ito ng isang tao, sasabihing hindi mo sinusuportahan ang gawain ng iglesia o na wala kang pagmamahal sa mga kapatid, na magdudulot na tanggihan at ibukod ka ng mga kapatid, matatakot ka ba? (Hindi.) Magpapaubaya ka. Sa sandaling iyon, maiisip mong, “Ano ba ang malaking bagay sa pagpapahiram ng sasakyan? Ayos lang kung hiramin ito ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, o ng mga kapatid. Mas mabuting huwag mapasama ang loob ng mga kapatid. Hindi nakakatakot na mapasama ang loob ng isang tao, subalit kung sasama ang loob ng lahat ng kapatid, at manlalamig ang puso nila sa akin, iiwan akong nakabukod, ano ang gagawin ko?” Dahil nananampalataya ka sa Diyos, ano ang dapat katakutan? Ang pagbukod nila sa iyo ay hindi nangangahulugang nagtataglay sila ng katotohanan o na naaayon ang mga kilos nila sa katotohanan. Ang katotohanan ay palaging ang katotohanan. Ito ang katotohanan, sinasang-ayunan man ito ng iilan o ng nakararami. Kung wala ang katotohanan, kahit pa magpasakop ang iilan sa nakararami, hindi ito ang katotohanan. Ito ay isang katunayan na hindi maipagkakaila ninuman. Kung nagtataglay ba ang isang tao ng katotohanang realidad ay hindi nakabatay sa kung gaano siya kaaya-aya magsalita, kundi sa kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, bumili ka ng isang bagong kompyuter para sa pakay na gumawa ng iyong tungkulin, at may isang tao na nais itong hiramin, sinasabing ito ay para sa gawain ng iglesia. Tumanggi kang ipahiram ito sa kanya, at sinabi niyang: “Wala kang pagmamahal, hindi mo mahal ang Diyos, hindi ka nagsasakripisyo ng sarili mo. Kahit ang kaunting sakripisyong ito ay hindi mo magawa.” Tama ba ang mga salitang ito? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Hindi.) Dapat kang sumagot ng: “Ang kompyuter na ito ay para sa paggawa ng aking tungkulin. Kasalukuyan kong ginagawa ang aking tungkulin, kaya hindi puwedeng mawalay sa akin ang kompyuter ko. Kung hihiramin mo ang kompyuter ko, hindi ba’t maaapektuhan niyon ang pagganap ko ng aking tungkulin? Aayon ba iyon sa katotohanan? Para saan mo ba mismo kailangan ng kompyuter? Sinasabi mong para ito sa gawain ng iglesia; kung ganoon ang kaso, kailangan mong humanap ng isang taong makapagpapatunay nito. Bukod pa roon, kahit pa para iyon sa gawain ng iglesia, hindi ka dapat manghiram sa akin. Ano ang gagamitin ko sa paggawa ng aking tungkulin kung kukunin mo ang kompyuter ko? Napakamakasarili mo! Huwag mong gawing dahilan ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia bilang palusot para manamantala, hindi ako maloloko niyan. Huwag mong isipin na ako ay isang taong magulo ang isip at walang pagkilatis; hinahangad mong manamantala, subalit hindi iyon mangyayari!” Kailangang magsalita nang ganito sa gayong mga tao, para maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas. Madali bang lutasin ang isyung ito? Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan at kumilos ka nang naaayon sa mga prinsipyo, hindi mo kailangang matakot sa sasabihin ninuman. Huwag mong pansinin ang maling katawagan nila sa iyo; hinding-hindi makakukumbinsi ng sinuman ang katiting na doktrinang binibigkas nila. Sa gayon, ang mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga taong mahihilig manamantala at ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa kanila ay simple nang napagbahaginan.

Pagdating naman sa mga tao sa iglesia na mahilig manamantala, sa isang banda, kailangan silang mas tumpak at mas praktikal na kilatisin ng mga tao, at sa isa pang banda, kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan; dapat maging malinaw sa puso nila ang paninindigang dapat nilang taglayin sa pananampalataya sa Diyos, ang gawaing dapat nilang gawin, ang mga prinsipyo na dapat nilang itaguyod, at ang saloobin na dapat mayroon sila sa mga tao, pangyayari, at bagay. Huwag sumunod sa karamihan, o matakot na mapasama ang loob ng mga tao, at lalo nang huwag isuko ang mga prinsipyo at paninindigang dapat mayroon ka para mapalugod ang ilang indibidwal, na hahantong sa pagpapasaya sa mga tao subalit makasasakit sa puso ng Diyos, na magdudulot na kasuklaman ka ng Diyos. Kung isa itong pagkilos na naaayon sa mga prinsipyo, kahit na ang paggawa nito ay nagpapasama sa loob ng mga tao o nagsasanhi na makastigo ka habang ikaw ay nakatalikod, hindi iyon masyadong mahalaga; subalit kung isa itong pagkilos na hindi naaayon sa mga prinsipyo, kahit pa sa pamamagitan ng paggawa nito ay nagkakamit ka ng pagsang-ayon at suporta ng lahat, at nakakasundo mo ang lahat—pero may isang bagay na hindi mo mapangangatwiranan sa harap ng Diyos—ikaw ay nawalan. Kung pinapanatili mo ang magandang ugnayan sa karamihan, pinapasaya at pinapalugod sila, at kung nakakatanggap ka ng kanilang papuri, pero sinasalungat mo ang Diyos, ang Lumikha, kung gayon ay isa kang dakilang hangal. Kaya, anuman ang gawin mo, dapat malinaw mong maunawaan kung ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo, kung ito ba ay nakalulugod sa Diyos, kung ano ang saloobin ng Diyos dito, kung ano dapat ang maging paninindigan ng mga tao, kung anong mga prinsipyong dapat itaguyod ng mga tao, kung paano nagtagubilin ang Diyos, at kung paano mo ito dapat gawin—dapat malinaw muna sa iyo ang tungkol dito. Ang iyong mga ugnayan sa iba at ang iyong mga materyal na pakikipagpalitan at transaksiyon sa iba—binuo ba ang mga ito sa pundasyon ng pag-ayon sa mga prinsipyo? Binuo ba ang mga ito sa pundasyon ng pagpapalugod sa Diyos? Kung hindi, ang lahat ng ginagawa mo, gaano kahusay man ang pagpapanatili mo rito, gaano kaperpekto mo mang ginagawa ito, o gaano karaming papuri man ang natatanggap mo mula sa iba, hindi ito tatandaan ng Diyos. Kaya, ang mga prinsipyo ng iyong mga ugnayan at pakikisalamuha sa kahit kanino ay hindi dapat na may kinalaman sa kung nananamantala ba sila sa iyo o kung nananamantala ka ba sa kanila—hindi dapat binuo ang mga ito sa ganitong pundasyon. Sa halip, ang mga prinsipyong ito ay dapat na may kinalaman sa kung ang ginagawa ninyo ay naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan lang ito maituturing na “ayon sa ating pananampalataya sa Diyos”; sa gayon mo lang masasabing, “Lahat tayo ay mananampalataya, lahat tayo ay magkakapatid”; sa gayon mo lang magagamit ito bilang isang saligan. Maliban sa mga bagay na may kaugnayan sa buhay pagpasok, tungkulin, at gawain ng iglesia, ang iba pang ugnayan ay hindi dapat na nakabatay sa saligan na “mga kapatid.” Kung wala itong kinalaman sa tungkulin, buhay pagpasok, o normal na pakikipag-ugnayan ng mga tao, subalit palaging ginagamit na palusot ng isang tao ang “mga kapatid” para makamit ang isang partikular na layon, walang dudang ginagamit niya ang gayong mga pahayag, pamamaraan, at nakalalamang na kondisyon bilang dahilan para manamantala at magpakana para sa mga pansarili niyang kapakinabangan. Dapat mag-ingat ang hinirang na mga tao ng Diyos laban dito, at tugunan ang gayong mga isyu nang may karunungan para maiwasang maloko. Ito ay dahil karamihan ng mga tao sa iglesia ay hindi nakauunawa sa katotohanan, at ang ilan pa nga ay hindi mananampalataya, kumikilos nang walang prinsipyo at gumagawa ng mga walang-ingat na kamalian. Ang paggawa nila ng mga bagay-bagay sa pagkukunwaring “mga kapatid” ang pinakamadaling nakaiimpluwensiya at nakagugulo sa gawain ng iglesia. Ano ang pakay sa pagsasabi ng lahat ng ito ngayon? Ito ay para linawin na sa komunikasyon o pakikisalamuha man sa iba, ang pundasyon ay dapat na nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo. Pinipigilan nito ang mga di-wastong pakikitungo sa pagitan ng mga tao; siyempre, pinipigilan din nito ang mga mahilig manamantala na makahanap ng mga butas na masasamantala, at kasabay nito ay pinipigilan iyong mga taong labis na nag-aalala sa kanilang dangal o na may mahinang pagkatao na palaging masamantala ng iba, palaging madaya, at palaging magdusa ng mga kawalan. May ilang tao—sa kabila ng hayagang mahirap na kalagayan ng sarili nilang pamilya—ay nauuwi sa “pagtatapang-tapangan” kahit mapinsala pa sila, ipinauutang ang pinaghirapan nilang kitaing pera dahil inuutang ito ng isang taong mahilig manamantala, sinasabing pinili niya ang mga taong ito dahil mataas ang pagtingin niya sa kanila. Ano ang nangyayari pagkatapos maipahiram ang pera? Naglalaho ang nanghiram. Pagkatapos, nagrereklamo ang nagpautang tungkol sa Diyos dahil sa hindi pagprotekta sa kanila. Pagkakaroon ba ito ng katwiran? Akala mo ba na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang hindi mo na kailangang mag-isip kapag gumagawa ng isang bagay, na ang Diyos ang mag-aasikaso ng lahat? Hindi ba’t ginagawa ka niyong inutil? Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, marunong, at na kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo ba ito nauunawaan? Kung hindi ka kikilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyong ito, nararapat ka palaging magdusa ng mga kawalan at madaya. Sa huli, kapag wala ka nang matatakasan sa iyong buhay, sino ang puwede mong sisihin? Ikaw mismo ang nagdulot ng lahat ng iyon sa sarili mo. Ang iyong mga pagkilos ay hindi dahil sa pagmamahal; kahangalan ang mga iyon! Nagpahiram ka ng pera sa isang manggagantso para mapalugod siya, subalit kapag ikaw ang may kailangan ng pera, mahihingi mo ba ito mula sa sambahayan ng Diyos? Dapat bang akuin ng sambahayan ng Diyos ang responsabilidad na ito para sa iyo? Sa pag-asa na babayaran ng sambahayan ng Diyos ang gastusing ito, hindi ba’t nagkakautang ka sa Diyos? Kung walang daan palabas sa buhay, paano mo magagawa ang iyong tungkulin? Kung magdarasal ka sa Diyos, maaaring hindi ka niya palugurin; magiging isang kaso ito ng pag-ani ng iyong itinanim, at nararapat lang ito. Sino ba ang nagsabi sa iyo na maging sobrang hangal! Sinabi ba sa iyo ng Diyos na magtiwala sa taong iyon? Sinabi ba Niya sa iyo na pautangin mo iyon ng pera? Hindi Niya ito sinabi; ito ay personal mong pagkilos, hindi kinakatawan ang layunin ng Diyos. Kung ang iyong mga personal na pagkilos ay mali at nagdudulot ng masamang kahihinatnan, ikaw lang ang maaaring umako ng responsabilidad. Bakit mo ipapasa ang responsabilidad sa sambahayan ng Diyos o pananagutin ang Diyos para sa iyo? Bakit ka magrereklamo tungkol sa Diyos sa hindi pagprotekta sa iyo? Nasa hustong gulang ka na; bakit wala ka pa rin ng tamang pag-iisip na inaasahan mula sa isang taong nasa hustong gulang na? Magpapautang ka ba ng pera mo sa kahit kanino na humihingi sa lipunan? Kakailanganin mo itong pag-isipan, hindi ba? Bakit ka magpapautang ng pera sa isang tao dahil lang binanggit niya rin ang tituto ng "mga kapatid" sa kanyang kahilingan? Hindi ba’t ipinapakita nito na ikaw ay hangal? Hindi ka lang hangal, tanga ka pa; napakatanga! Akala mo ba na lahat ng kapatid ay tunay na nananampalataya sa Diyos, at na lahat sila ay nakauunawa sa katotohanan? Hindi bababa sa sangkatlo sa kanila ang hindi nagmamahal sa katotohanan, at na mga hindi mananampalataya. Hindi mo ba ito makilatis? Akala mo ba na lahat ng kapatid ay layon ng pagliligtas ng Diyos, tunay na pag-aari ng Diyos? Hindi mo ba alam na “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang”? Sino ang kinakatawan ng mga kapatid? Kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan! Kung magtitiwala ka sa kanila, hindi ba’t tanga ka? Anuman ang masasamang kahihinatnan ng iyong mga personal na pagkilos, huwag mong hanapin ang sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid; walang sinumang makatutulong sa iyo, at walang obligasyon ang sinuman na umako ng responsabilidad para sa iyo. Ikaw ang nagdulot ng paghihirap na ito, ikaw ang magdusa nito; nasa iyo ang pananagutan. Gayundin, huwag mong dalhin ang mga usaping ito sa buhay-iglesia para pagbahaginan o talakayin; walang gustong makinig dito, at walang obligasyon ang iba na asikasuhin ang magugulo mong usapin. Kung may isang tao na gusto talagang tumulong sa iyo, maaari ninyong lutasin itong dalawa nang pribado. Nauunawaan mo ba?

Ang pagbabahaginan tungkol sa mga usaping ito ay nagsisilbing paalala sa mga tao, nagpapalawak ng kanilang kaalaman, at nagbababala sa kanila, nililinaw na sa mga nananampalataya sa Diyos, may iba’t ibang uri ng mga tao. May isang mahalagang punto na dapat ninyong tandaan, na ilang beses Ko nang nabanggit dati: Ang mga nananampalataya sa Diyos ay pinili mula sa tiwaling sangkatauhan. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na bawat indibidwal ay ginawa nang tiwali ni Satanas, ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon at kayang gumawa ng kasamaan sa iba’t ibang antas, at, sa tamang pagkakataon, ay makagagawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos. Ang pambabaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan, at ang pagkahilig na manamantala, na atin nang pinagbahaginan, ay ginagawa ng mga mananampalataya; hindi mahalaga sa atin ang mga walang pananampalataya, kaya hindi natin sila babanggitin dito. Ang mga pagpapamalas na ito ng pagkatao na pinagbahaginan na natin ay mismong ang mga pagpapamalas ng mga nananampalataya sa Diyos. Kaya, huwag ninyong ituring ang titulong “mga kapatid” bilang isang bagay na dakila, marangal, o banal at hindi nalalabag. Kung gagawin ninyo iyon, katangahan na ninyo iyon. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na, “Mahalaga ang mga kapatid. Sa sandaling maging mga kapatid sila, sila ay banal, nagiging mga katapatang-loob sila ng Diyos, ganap na mapagkakatiwalaan; ganap mo silang mapagkakatiwalaan, at anuman ang sinasabi o ginagawa nila ay ang katotohanan.” Hindi ito kailanman nangyari; ang mga ito ay iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Kung hanggang ngayon ay hindi mo pa nakikita ang aktuwal na kahulugan sa likod ng titulong “mga kapatid,” estupido ka nga talaga; walang kabuluhan ang iyong pakikinig ng mga sermon nitong mga nakalipas na taon. Hindi mo pa nga nalalaman kung anong uri ng tao ka, subalit sobra ka nang nagtitiwala sa iba, itinuturing sila—ang mga kapatid—bilang banal at dakila, paulit-ulit na nagsasalita sa kung paanong “ayaw ito ng mga kapatid,” “nagagalit ang mga kapatid,” “nagdurusa ang mga kapatid,” “ganito at ganyan ang mga kapatid,” nagsasalita tungkol sa mga kapatid nang may gayong pagkagiliw. Nakita mo na ba kahit saan sa mga salita ng Diyos na sinasabing ang mga kapatid ay napakamarangal at napakabanal, at napakamaaasahan? Wala ni isang pangungusap, tama? Kung gayon, bakit ganoon ang magiging tingin mo sa kanila? Ipinapakita niyon na isa kang tunay na hangal. Samakatwid, gaano man kalaki ang pagkadehado o kawalan na pinagdurusahan mo mula sa mga kapatid, ganap na sarili mo iyong kasalanan. Sa huli, ituring mo ang mga kawalan at pagkadehadong naranasan mo bilang matrikula. Isa itong leksiyon na dapat mong matutunan. Dapat ninyong palaging tandaan: Ang mga kapatid ay hindi kumakatawan sa katotohanan, lalong hindi sila kumakatawan sa Diyos; hindi sila katumbas ng malalapit sa Diyos, mga saksi ng Diyos, o mga minamahal na anak ng Diyos. Sino ba ang mga kapatid? Sila ay mga tiwaling tao, tulad mo rin; may mga kuru-kuro sila tungkol sa Diyos, hindi nila minamahal ang katotohanan, tutol sila sa katotohanan, mayroon silang mapagmataas na disposisyon, mayroon silang malulupit at buktot na mga disposisyon, may kakayahan silang itakda ang sarili nila bilang mga kaaway ng Diyos sa bawat aspekto, ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta, at nananamantala pa nga ng ibang mga kapatid gamit ang pagpapanggap na nananampalataya sa Diyos. Ano ang pakay sa pagsasabi ng lahat ng ito? Hindi ito para maghasik ng sigalot sa pagitan mo at ng mga kapatid, kundi para tulungan kang makita nang malinaw ang tunay na kulay ng lahat ng tao, tratuhin nang tama ang titulong “mga kapatid,” tratuhin nang tama ang mga tao sa paligid mo, at bumuo ng mga tamang interpersonal na ugnayan sa lahat. Huwag mong subukang magtatag o magpanatili ng mabuting relasyon sa iba sa pamamagitan ng mga personal na pabor, materyal na palitan, pambobola, paninipsip, pagpaparaya, o iba pang mga pamamaraan, na may layong maisama ang iyong sarili sa mga kapatid. Hindi ito kinakailangan, at ang lahat ng ginagawa mo sa aspektong ito ay nakaririmarim at kasuklam-suklam sa Diyos. Ano, kung gayon, ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay, ang pinakamainam na saloobin at prinsipyo sa pamumuhay na dapat taglayin ng mga tao? Ito ay ang salita ng Diyos. Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng mga ito na magtatag ng mga tama at normal na interpersonal na relasyon. Paano itinatatag ang mga relasyong ito? Makipag-ugnayan, makipag-usap, at makisalamuha sa iba batay sa mga salita ng Diyos. Halimbawa, kung may isang tao na lilipat at nagtatanong siya kung may oras ka bang tumulong, kung gusto mo, maaari kang tumulong; kung ayaw mo naman dahil natatakot kang maaapektuhan nito ang iyong tungkulin, maaari kang tumanggi. Ito ay iyong karapatan at, siyempre, ang prinsipyo rin na dapat mong sundin. Hindi mo kailangang magparaya, nag-aalangan at nag-aalalang sumasang-ayon sa takot na mapasama mo ang loob niya o magambala ang pagkakaisa ng mga kapatid, at pagkatapos ay nakararamdam ng pag-ayaw sa puso mo, na negatibong nakaaapekto sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin. Alam na alam mo na ang paggawa niyon ay salungat sa mga prinsipyo, subalit hinahayaan mo pa rin na kikilan ka ng iba at utus-utusan ka na parang isang alipin para sa kapakapanan ng pagpapalugod sa kanila at pagpapanatili ng magandang relasyon. Ang pagpapalugod mo sa ibang tao ay hindi isang mabuting gawa, at hindi ito tatandaan ng Diyos. Ang ginagawa mo ay para lang mapanatili ang mga ugnayang interpersonal; hindi ito pagkilos para sa kapakanan ng gawain ng iglesia o para gawin ang iyong tungkulin, lalong hindi mo ito responsabilidad o obligasyon. Hindi kailanman tatandaan ng Diyos ang gayong mga pagkilos, at kahit pa gawin mo ang mga ito, mawawalan ng kabuluhan ang iyong paggawa. Kaya, kapag nahaharap sa gayong mga usapin, hindi ba’t dapat na seryoso at maingat mong isaalang-alang kung paano pipili? May mga tao na hinihingan ng tulong, subalit talagang lubos silang ginagawang abala ng mga tungkulin nila, at nakapagsingit lang sila ng oras para dumalo sa isang pagtitipon o gumawa ng kaunting espirituwal na debosyon. Malinaw na hindi nila gustong pumunta, at ayon sa mga prinsipyo, hindi rin sila dapat pumunta. Subalit, dahil labis silang nag-aalala tungkol sa kanilang reputasyon, hindi nila magawang magsabi ng hindi. Sa huli, ano ang nangyayari? Pinahihintulutan nila ang mabababa at mapagsamantalang mga indibidwal na iyon na samantalahin sila, sinasayang ang oras na dapat sana ay inilaan sa kanilang buhay pagpasok. Hindi ba’t isa itong kawalan? Karapat-dapat lang ang kawalang ito! Ang pagdurusa ng ganitong kawalan ay hindi talaga karapat-dapat sa simpatiya o awa mula sa iba. Bakit sinasabing karapat-dapat na kawalan ito? Sino ba ang nag-udyok sa iyo na balewalain ang mga salita ng Diyos? Sino ang nagtulak sa iyo na matakot na mapasama ang loob ng mga tao? Kung mas pinipili mo na huwag mapasama ang loob ng mga tao kaysa pakinggan ang mga salita ng Diyos, nararapat lang sa iyo ang kawalang ito! May ilang nagsasabing, “Hindi nabubuhay ang mga tao sa isang vacuum; may mga pakikipag-ugnayan dapat sa pagitan ng mga tao.” Ang mahalaga ay kung paano ka makipag-ugnayan. Alin ang mas naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, mas naaayon sa mga layunin ng Diyos, at higit na kapaki-pakinabang sa iyong buhay pagpasok: ang mga pakikipag-ugnayang batay sa mga prinsipyo, o mga pakikipag-ugnayang walang prinsipyo, ang pagiging mapagpalugod ng mga tao na sinusubok na ayusin ang lahat? Alam mo kung alin ang dapat piliin, hindi ba? Kung alam mo kung paano pipili subalit patuloy ka pa ring nasasadlak sa putik, ikaw lang ang magpapasan sa pinakahuling kahihinatnan. Hindi ba’t malinaw ito? (Oo.)

Marami pa ring pagpapamalas ng pagkatao ng masasamang tao, at ang pagbabahaginan ngayon ay limitado, nakatuon lang sa mga aspekto ng pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan at pagkahilig na manamantala sa iba. Pagkatapos lang marinig ang tungkol sa dalawang aspektong ito na nagsisimulang magkaroon ng kaunting pakiramdam at pagkilatis ang karamihan ng mga tao, sinasabing, “Ganito pala ang masamang pagkatao!” Subalit umiiral nga ang gayong mga tao sa iglesia, kaya ano ang dapat gawin? Hindi malaking isyu ang kanilang presensiya, dahil may mga prinsipyo at regulasyon ang iglesia; makapagpapatupad ito ng mga naaangkop na hakbang para pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Ang pakay ng pagbabahaginan ngayon sa mga usaping ito ay para bigyang-kakayahan ang karamihan ng mga tao na magkaroon ng isang malinaw na pagkaunawa at pagkilatis sa dalawang uring ito ng masasamang tao, at pagkatapos at magtulungan para mapaalis ang mga ito.

Nobyembre 20, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 23

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 25

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito