Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 25
Ikalabing-apat na Aytem: Kaagad na Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at Anticristo (Ikaapat na Bahagi)
Ang mga Pamantayan at Batayan para sa Pagkilatis ng Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at anticristo.” Sa mga nakaraang ilang pagkakataon, pinagbahaginan natin ang tungkol sa ilang aspekto na dapat kilatisin ng mga lider at manggagawa, pati na rin ang mahahalagang katotohanan na dapat nilang maunawaan, kapag ginagawa ang gawaing ito; ibig sabihin, pinagbahaginan natin ang tungkol sa kung paano makikilatis ang lahat ng uri ng masasamang tao. Paano binibigyang-depinisyon ang lahat ng uri ng masasamang tao? Sila ay iyong mga sumasalisi sa sambahayan ng Diyos sa pagpapanggap na nananampalataya sila sa Diyos, pero hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ginugulo pa ang gawain ng iglesia; ang lahat ng gayong tao ay kabilang sa kategorya ng masasamang tao. Sila ang mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia; ibig sabihin, sila iyong mga hindi pinahihintulutang umiral sa loob ng iglesia. Pinag-iiba at hinihimay natin ang lahat ng uri ng masasamang tao batay sa tatlong pangunahing pamantayan. Anu-ano ang tatlong pamantayang ito? Ang una ay ang pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Ang ikalawa ay ang pagkatao ng isang tao—paghihimay sa pagkatao niya para makilatis at malinaw na makita kung kabilang siya sa iyong mga dapat paalisin ng iglesia. Ano ang ikatlong pamantayan? (Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.) Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin ang ikatlong pamantayan. Napagbahaginan na dati ang unang pamantayan. Tungkol naman sa ikalawang pamantayan—ang pagkatao ng isang tao—dalawang punto ang napagbahaginan na. Ano ang unang punto? (Pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan.) At ang ikalawa? (Pagkahilig na manamantala.) Mula sa nilalaman ng dalawang puntong ito, puwedeng magmukhang hindi sapat na isaalang-alang ang mga ito bilang mga pagpapamalas ng masasamang tao, pero batay sa mga detalyadong pagpapamalas na nauna Ko nang naibahagi, ang dalawang uring ito ng mga tao ay nanampalataya na sa Diyos nang ilang taon nang walang tunay na pagsisisi; ang iba't ibang pagpapamalas nila ay nakapagdulot na ng kaguluhan at pagkawasak sa buhay-iglesia, sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa mga relasyon sa pagitan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ayon sa kanilang mga pagpapamalas at batay sa kanilang kalikasang diwa, ang dalawang uri ng taong ito ay dapat na mailagay sa kategorya ng masasamang tao. Dapat silang kilatisin at tukuyin ng mga lider ng iglesia at ng hinirang na mga tao ng Diyos sa napapanahong paraan. Angkop ba ito? (Oo.) Ganap na angkop ito. Ang pag-uugali ng dalawang uri ng mga tao na ito sa iglesia ay may napakanegatibong epekto; wala silang anumang interes sa katotohanan, ni hindi talaga sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Sa mga kapatid, ang isinasabuhay nila ay mukhang hindi rin naiiba sa mga walang pananampalataya; madalas silang magsinungaling at mandaya sa iba, ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at nang walang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi nagbabago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala. Hindi lang nila naaapektuhan ang buhay-iglesia kundi malubhang ring nagugulo ang gawain ng iglesia. Walang duda, kabilang sila sa mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia, at lubos na naaangkop na tukuyin bilang masasamang tao at itala sa mga hanay ng gayong mga tao—hindi talaga labis-labis na gawin ito. Ang unang uri, iyong mga mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, ay nagtataglay hindi lang ng mga simpleng problema, tulad ng pagsasabi ng mga di-masyadong angkop na bagay, o mga hadlang sa komunikasyon sa iba; sa halip, may problema sa disposisyon nila. Sa mas malalim na antas, ang problema sa disposisyon nila ay isang problema sa kanilang kalikasang diwa. Sa mas mababaw na antas, isa itong problema sa kanilang pagkatao; ibig sabihin, ang pagkatao nila ay labis na ubod ng sama at kasuklam-suklam, ginagawang imposible para sa kanila na makipag-ugnayan nang normal sa iba. Hindi lang sila kulang sa mga positibong pagpapamalas tulad ng pagbibigay, pagtulong, o pagmamahal sa iba, kundi pati ang mga pagkilos at pag-uugali nila ay nagsisilbi para lang manggulo, mangwasak, at manggiba. Kung may ilang tao na palaging nagsasagawa ng pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at palagi itong ginagawa, hayagan man o palihim, na nagdudulot ng malalang negatibong epekto sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, kabilang sila sa mga tao na dapat paalisin ng iglesia. Ang isa pang uri ay iyong mga mahilig manamantala. Anuman ang sitwasyon, palagi nilang hinahangad na magkamit ng kalamangan, nang may mga matang palaging nakatutok sa sarili nilang mga interes. Hindi sila nakatuon sa pagpasok sa katotohanang realidad, ni sa paggawa ng mga tungkulin nila nang maayos o sa pagtupad sa mga sarili nilang responsabilidad. Higit pa riyan, hindi sila tumutuon sa pakikisalamuha nang normal sa mga kapatid, sa paggamit ng lakas ng iba para punan ang mga sarili nilang pagkukulang at sa pagbuo ng mga normal na relasyon, o sa pamumuhay ng isang normal na buhay-iglesia. Hindi sila tumutuon sa alinman sa mga bagay na ito—nagpupunta sila sa iglesia at sa mga kapatid para lang manamantala. Hangga’t naroroon sila sa iglesia, at hangga’t nakikipag-ugnayan sa kanila ang mga kapatid, makararamdam ng pagkabahala ang mga kapatid sa loob nila. Hindi lang nakararamdam ng pagkamuhi ang mga kapatid sa mga pagkilos at pag-uugali ng mga ito, pero higit sa lahat, madalas silang nakararamdam na masyado silang pinakikialaman at pinipigilan sa puso nila. Ano ang tinutukoy ng 'masyado'? Ibig sabihin nito na sa mga sitwasyon sa tunay na buhay, kapag nahaharap sa panliligalig mula sa mga hindi mananampalataya o masasamang tao, may ilang indibidwal na napipigilan ng mga damdamin nila at hindi makawala, habang ang iba, bagaman ayaw ito, ay hindi nangangahas na magsalita pero palaging nararamdamang napipigilan sila at walang kapayapaan sa loob nila. Hindi ba isa itong seryosong panggugulo sa mga kapatid? (Oo.) Kaya, dapat kilatisin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang dalawang uri ng mga indibidwal na ito; ang lahat ng ikinategorya bilang masasamang tao ay kabilang sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ang mga partikular na prinsipyo para sa pangangasiwa sa gayong mga indibidwal ay napagbahaginan na sa nakaraang pagtitipon, kaya hindi na sila pagbabahaginan muli nang detalyado ngayon. Sa kabuuan, ang dalawang uri ng mga tao na pinagbahaginan sa itaas ay nagdulot ng mga panggugulo hindi lang sa buhay-iglesia ng mga kapatid, kundi pati na rin sa maayos na pagganap ng mga tungkulin ng mga ito; ang mga pag-uugali ng ilan sa kanila ay malamang na makasasagabal pa nga sa ilang bagong mananampalataya na walang matibay na pundasyon. Kaya, batay sa mga paraan at pinagkukunan ng kanilang pagkilos, pati na rin ang iba’t ibang pagpapamalas ng kanilang pagkatao at ang masasamang kahihinatnan ng mga pagpapamalas na ito, ang dalawang uri ng mga taong ito ay kabilang sa iyong mga dapat na paalisin, at ang pagtatala sa kanila sa mga hanay ng masasamang tao ay hindi talaga kalabisan. Bagaman ang mga pag-uugali niyong mga mahilig mambaluktok ng mga katunayan at kasinungalingan at ng mga mahilig manamantala ay puwedeng hindi mukhang kasing-bastos o kasing-lupit nang sa masasamang tao na binigyang-depinisyon sa mga kuru-kuro ng tao—bagaman wala sila ng gayong mga halatang pagpapamalas—ang masasamang kahihinatnan ng mga pag-uugali nila at pagkatao nila ay nangangailangan na paalisin sila sa iglesia. Mga pagpapamalas ang mga ito ng dalawang uri ng mga tao, at ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila, na napagbahaginan noong nakaraan.
II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao
C. Pagiging Imoral at Walang Pagpipigil
Ngayon, patuloy tayong magbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng ilang iba pang uri ng mga tao kaugnay sa kanilang pagkatao, simula sa ikatlong uri ng mga tao. Ano ang pangunahing katangian ng pagkatao ng mga taong ito? Ito ay ang imoralidad at kawalan ng pagpipigil. Ang pag-unawa sa imoralidad at kawalan ng pagpipigil mula sa literal na perspektiba ay napakadali; ibig sabihin nito na mukhang hindi tama ang pag-uugali, asal, at pananalita ng mga indibidwal na ito—hindi sila mga marangal at disenteng indibidwal. Ito ay isang pangunahing pang-unawa sa mga pagpapamalas ng mga ganitong uri ng tao. Sa iglesia, hindi maiiwasang maglaman ng mga paglihis at pagkakamali ang mga pananaw ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos at sa mga paraan ng paghahangad nila. Ang pananalita at asal nila ay walang anumang kabanalan, ang mga pagpapamalas nila sa buhay at ang kalidad ng pagkatao nila ay talagang hindi tumutugon sa kagandahang-asal ng mga santo, at ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa pangkalahatan, ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay mailalarawan lang bilang imoral at walang pagpipigil. Siyempre, ang mga partikular na pagpapamalas ay marami, nakikita ng lahat, at madaling makilatis. Ang mga indibidwal na ito ay katulad ng mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya; partikular, nagpapakita sila ng mga tiyak na imoral na pag-uugali. Pagdating sa mga pagtitipon, napakakaswal ng kanilang pananamit at pagpapaganda. May ilang hindi nag-aabalang mag-ayos ng sarili nila bago umalis ng bahay, nagpupunta sa mga pagtitipon na may magulong itsura, may hindi sinuklay na buhok at hindi hinilamusang mukha. May ibang nanggigitata manamit, nakasuot ng upod nang mga tsinelas o maging damit-pantulog sa mga pagtitipon. May ibang namumuhay nang pabaya, hindi binibigyang-pansin ang personal na kalinisang pangkalusugan, at hindi iniintindi ang pagsusuot ng maruruming damit sa mga pagtitipon. Labis na kaswal kung tratuhin ng lahat ng taong ito ang mga pagtitipon, na para bang bumibisita lang sa kapitbahay, hindi ito sineseryoso. Sa mga pagtitipon, ang pananalita at asal nila ay wala ring pagpipigil, at walang alinlangan silang nagsasalita nang malakas, nasasabik pa nga at nagkukumahog sa pagkumpas kapag masaya sila, nagpapakita ng labis na pagpapakasasa. Gaano karaming tao man ang naroroon, tumatawa, nagbibiro, at gumagawa sila ng malalaking galaw, nakaupo nang nakakrus ang mga binti, at kumikilos na para bang nakatataas sila sa lahat ng tao; partikular na pasikat at mayabang pa nga sila, hindi tumitingin nang diretso sa mata ninuman kapag nakikipag-usap sa mga ito, lumilibot-libot ang paningin nila. Hindi ba't imoral ito? (Oo.) Partikular itong mapagpasasa at walang ni katiting na pagpipigil. Siyempre, maaaring iugnay ng mga walang pananampalataya ang pananalita at asal ng gayong mga tao sa kawalan ng tamang pagpapalaki, pero iba ang pagkakaunawa natin dito; hindi ito basta usapin ng kawalan ng tamang pagpapalaki. Bilang mga nasa hustong gulang, dapat malinaw na malaman ng isang tao ang tama at angkop na mga paraan sa pagsasalita, pagkilos, at pakikisalamuha sa iba—sa partikular, kung paano dapat niya ito gawin sa paraang nararapat sa kagandahang-asal ng mga santo, na nagbibigay-aral sa mga kapatid, at nagpapakita ng normal na pagkatao—nang hindi kinakailangang sabihan. Lalo na kapag isinasabuhay ang buhay-iglesia, sa presensiya ng mga kapatid, bagaman hindi kinakailangan ang pagpapanggap, dapat magpigil ang isang tao. Ano, kung gayon, ang sukat at kinakailangang pamantayan ng pagpipigil na ito? Ito ay para umayon sa kagandahang-asal ng mga santo. Ang kasuotan at pananamit ng isang tao ay dapat na marangal at disente, iniiwasan ang kakaibang pananamit. Sa presensiya ng Diyos, ang isang tao ay dapat na maging madasalin, at hindi gumagawa ng malalaking galaw; siyempre, sa harap ng ibang tao, dapat din nilang mapanatili ng pagiging madasalin at wangis ng tao, para maipakita nila ang sarili nila sa paraang angkop, kapaki-pakinabang, at nakapagbibigay-aral sa iba. Ito ang nakalulugod sa Diyos. Iyong mga imoral at walang pagpipigil ay nagbibigay-pansin sa pinakamahahalagang aspekto ng pagkatao at ang isang tiyak na dahilan ng kanilang kawalang-bahala ay ang kanilang purong kamangmangan kung paano maging isang madasaling tao o isang tao na may integridad at dignidad na nararapat igalang; hindi lang talaga nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Kaya, sa kabila ng paulit-ulit na mga itinakda at hinihingi ng iglesia para sa maayos, marangal, at disenteng kasuotan sa mga pagtitipon, nang hindi nagsusuot ng mga kakaibang damit, patuloy nilang hindi sineseryoso ang mga alituntuning ito, madalas dumarating nang naka-tsinelas, magulo ang itsura, o maging nang naka-damit pantulog. Isa ito sa mga pagpapamalas niyong mga imoral at walang pagpipigil.
Iyong mga imoral at walang pagpipigil ay nagpapamalas ng isa pang pag-uugali, na magbihis nang sunod sa uso at maglagay ng makapal at kaakit-akit na makeup sa mga pagtitipon. Nagsisimula silang maggayak at mag-ayos dalawang araw bago ang bawat pagtitipon, iniisip kung anong makeup ang ilalagay, anong alahas ang gagamitin, anong estilo ng buhok ang pipiliin, anong damit ang isusuot, anong bag ang dadalhin, at anong sapatos ang isusuot. May ilang kababaihan ang naglalagay pa nga ng kaakit-akit na lipstick, eyeshadow, at nose contour, at sa mas matitinding kaso, may nagbibihis at naggagayak ng sarili nila sa isang labis na nakaaakit na paraan, naglalabas ng kanilang mga balikat at likod, at nagsusuot ng mga kakaibang damit. Sa mga pagtitipon, hindi sila nakikinig nang maayos sa pagbabahagi ng mga kapatid, ni hindi sila nagdarasal; lalong hindi sila nakikilahok sa pagbabahaginan o nagbabahagi ng kanilang personal na pang-unawa at mga patotoong batay sa karanasan. Sa halip, ikinukumpara nila ang sarili nila sa lahat ng iba pa, nagpapakaabala sa kung sino ang mas maganda o mas pangit manamit kaysa sa kanila, sino ang nagsusuot ng mga partikular na nauusong branded na damit, sino ang nagsusuot ng mga mumurahing damit mula sa bangketa, magkano ang halaga ng pulseras ng isang tao, at iba pa; nakatuon lang sila sa mga usaping ito, at madalas pang nagkukumpara nang hayagan. Mula sa pananamit nila, pati na rin sa pananalita, pag-uugali, at asal ng mga indibidwal na ito, malinaw na ang pakikilahok nila sa buhay-iglesia at ang pakikisalamuha nila sa mga kapatid ay hindi para sa pag-unawa sa katotohanan, at lalong hindi para sa paghahangad sa buhay pagpasok para makamit ang pagbabago sa disposisyon; sa halip, ginagamit nila ang oras sa mga pagtitipon para ipasikat ang kasiyahan nila sa pera at materyal na buhay. May ilang tao na dumadalo sa mga lugar ng pagtitipon na nakasuot ng mga branded na damit para magpakitang-gilas, ganap na nagpapakasasa sa mga pagnanais nila para sa fashion at mga uso sa mga kapatid, hinihikayat ang iba na hangarin ang mga usong ito at ginagawang kainggitan at tingalain sila ng iba. Kahit napapansin nila ang mga tingin at saloobin ng pagkasuklam ng mga kapatid sa kanila, patuloy silang nagsasawalang-bahala, ginagawa pa rin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, nagsusuot ng matataas na takong, at nagdadala ng mga designer na bag. Nagtatangka pa nga ang ilan na magpanggap bilang mga may-kaya at mayayamang indibidwal, nagsusuot ng mababang kalidad na pabango sa mga pagtitipon, kaya pagkatapos nilang pumasok sa silid, ang pinaghalo-halong amoy ng pabango, blusher, at langis ng buhok ay nagiging masangsang at hindi kanais-nais na amoy. Marami pang ibang kalahok sa pagtitipon ang nagagalit pero hindi nangangahas magsalita, nakararamdam ng pagkasuklam pagkakita sa mga taong ito, at ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lumalayo sa mga ito. Medyo mamahalin o medyo kaswal man ang pananamit ng mga ito, ang tanda ng gayong mga indibidwal ay ang kanilang sobrang malaya at walang disiplinang pananalita, pag-uugali, asal, at paraan ng pamumuhay, hindi lang sa mga pagtitipon kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa mga kapatid at sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Para maging tumpak, sila ay partikular na mapagpakasasa, hindi napamamahalaan maging ng kahit kaunting mga pagpipigil. Wala silang regular na mga pattern sa kanilang pang-araw-araw na buhay; sinasabi nila ang anumang gustuhin nila, kumikilos nang walang-ingat at nang naaayon sa sarili nilang kagustuhan, hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga personal na karanasan, bihirang nagbabahagi ng kanilang pang-unawa sa mga salita ng Diyos, at bihirang nagsasabi ng tungkol sa mga hinarap na paghihirap sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ano lang ang mga paksang tinatalakay nila? Mga uso, fashion, masasarap na pagkain, ang pribadong buhay ng mga kilalang tao sa lipunan at maging ng mga sikat na personalidad, at mga kakaibang kuwento at anekdota mula sa lipunan. Mula sa mga likas na pagbubunyag nilang ito, hindi mahirap makita na ang pananampalataya ng gayong mga tao sa Diyos ay para makaraos lang sa buhay. Ganap na nakatuon ang buhay nila sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, sa halip na sa gayong mga usapin tulad ng pamumuhay ng buhay-iglesia, paggawa ng tungkulin nila, o paghahangad sa katotohanan. Ang ibig sabihin ng “imoral at walang pagpipigil” ay na ang paraan ng pamumuhay ng mga taong ito, ang isinasabuhay nila sa pagkatao, at ang mga pamamaraan nila ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, pagtrato sa iba, at pakikisalamuha sa iba ay lahat imoral at walang pagpipigil. Madalas nilang ginagaya ang mga sikat na ekspresyon sa lipunan; walang pakialam kung gusto bang marinig ang mga ito ng mga kapatid o kung mauunawaan ba nila ang mga ito, patuloy lang na nagsasalita ang mga indibidwal na ito. Madalas pa nga nilang ginagaya ang mga kasabihan ng ilang kilalang tao sa lipunan pati na rin ng mga sikat na personalidad sa musika at pelikula. Tungkol naman sa mga positibong bokabularyong madalas na ginagamit sa sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, hindi sila kailanman nagpapakita ng anumang interes; hindi sila kailanman nagbabahagi ng tungkol sa katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang sinasamba nila ay ang mga kalakaran sa mundo; ang iba’t ibang kilalang tao at mga sikat na personalidad ang mga target ng kanilang pagsamba at panggagaya. Halimbawa, mabilis nilang natututunan ang mga popular na termino at parirala online at ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay at sa pakikipag-usap nila sa mga kapatid. Siyempre, ang mga terminong ito ay tiyak na hindi positibo o nagbibigay-aral; lahat ng ito ay negatibo, walang halaga, at lalong walang kahulugan para sa iyong mga nananampalataya sa Diyos. Mga popular na ekspresyon ito na nilikha ng tiwali at masamang sangkatauhan, ganap na kinakatawan ang mga kaisipan at pananaw ng masasamang puwersa. Ang gayong mga salita ay madalas napapansin, tinatanggap, at ginagamit ng mga hindi mananampalataya sa iglesia na mahilig sa masasamang kalakaran. Ganap silang sarado sa espiritwal na terminolohiya at bokabularyo ng sambahayan ng Diyos, hindi nakikinig o nag-aaral ng mga ito nang taimtim. Sa kabaligtaran, mabilis nilang natututunan at ginagamit ang mga negatibong bagay mula sa mundo ng mga walang pananampalataya at iyong mga bagay na binibigyang-pansin ng mga basurang tao. Kaya, ang mga indibidwal na ito, hinusgahan man batay sa kanilang panlabas na pananamit, pananalita, at asal, o sa iba’t ibang kaisipan at pananaw at mga saloobin sa mga bagay-bagay na ibinubunyag nila, ay namumukod-tanging kakaiba sa mga kapatid. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kakaiba? Ibig sabihin na ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay katulad ng sa mga walang pananampalataya, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago; sila ay pawang mga hindi mananampalataya. Halimbawa, may ilang tao na umaawit ng dalawang himno sa entablado ng sambahayan ng Diyos at nakakukuha ng pagpapahalaga ng lahat, kaya nagsisimula silang mag-isip na sila ay mga sikat na personalidad o mga bigatin, palaging iginigiit na gumamit ng makapal na makeup para sa mga pagtatanghal, at ipinipilit na magkaroon ng partikular na ayos ng buhok ng isang sikat na tao, at kinukulayan ito ng mga kakaibang kulay. Kapag sinasabi ng iba na, “Dapat magdamit ang mga mananampalataya nang may dignidad at pagiging disente; ang iyong estilo ay hindi tumutugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos,” nagrereklamo sila, sinasabing, “Napakahigpit ng mga patakaran sa sambahayan ng Diyos; talagang nakaaabala ito! Bakit ba napakahirap maging sikat?” Pagkatapos umawit ng dalawang himno, iniisip nilang sikat sila at iniisip nilang magaling sila, at tuwing wala silang ginagawa, palagi nilang iniisip: “Ilang daliri ang ginagamit ng mga sikat sa mundo ng mga walang pananampalataya sa paghawak ng mikropono? Ilang hakbang ang ginagawa nila para makatuntong sa entablado? Bakit hindi ako nakatatanggap ng mga bulaklak gayong napakahusay kong kumanta? Ang mga sikat doon sa mundo ay may mga ahente at katulong; hindi nila kailangang asikasuhin o tugunan sa sarili nila ang karamihan sa mga usapin, ginagawa itong lahat ng mga katulong nila. Pero bilang isang mang-aawit sa sambahayan ng Diyos, kailangan kong asikasuhin ang mga karaniwang gampanin tulad ng pagkuha ng pagkain, pagsusuot ng damit, at pamimili nang mag-isa. Masyadong konserbatibo ang sambahayan ng Diyos!” Sa puso nila, palagi silang hindi masaya sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos; partikular silang nakararamdam ng pagkaagrabyado, palaging hindi kontento at puno ng reklamo. Kaya bang mahalin ng gayong tao ang katotohanan? Isasagawa ba nila ang katotohanan? Bakit hindi nila pinagninilayan ang sarili nila? Napakabaluktot ng perspektiba nila sa mga bagay-bagay, tulad sa iyong mga hindi mananampalataya; paanong hindi nila napagtatanto ito? Hindi sila hinahadlangan ng sambahayan ng Diyos na maging sikat na personalidad, pero ang mga pananaw at diskarte nila—na kagaya nang sa mga hindi mananampalataya—ay magagawa ba sa sambahayan ng Diyos? Pundamental na hindi mapananatili ang mga ito. Ang karaniwan nilang pananalita at asal ay kadalasang kinasusuklaman ng nakararami. Dahil sa kanilang “malawak na pag-iisip” at labis na pagpapakasasa, ang anumang sinasabi o ginagawa ng gayong mga tao ay imoral at walang pagpipigil, walang ibinubunyag na anuman kundi ang disposisyon ni Satanas.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na ang mga kapatid ay dapat magpanatili ng mga hangganan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at hindi makisangkot sa kasalungat na kasarian. Gayumpaman, may ilang tao na imoral at walang pagpipigil, talagang hindi pinakikinggan ang payong ito, at sinusubukan pa ngang lihim na akitin o makipagtagpo sa iba, ginugulo ang buhay-iglesia. Nasisiyahan sila sa pakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, at naghahanap pa ng mga dahilan at palusot para makipag-ugnayan at makipagkulitan. Kapag nakakakita ng isang tao mula sa kasalungat na kasarian na kaakit-akit o isang tao na nakakasundo nila, nagsisimula silang makipaghilaan-tulakan dito, makipaglandian at makipagbiruan, pinaglalaruan ang mga damit nito at ginugulo ang buhok nito, at hinahagisan pa ng mga bola ng niyebe ang mga damit nito kapag taglamig; nakikipagharutan sila sa isa’t isa na parang mga hayop, nang walang mga hangganan o pagpapahalaga sa karangalan, at hindi nakararamdam ng anumang kahihiyan. May ilang tao na nagsasabing, “Paano iyon maituturing na pakikipagharutan? Nagpapakita sila ng pagsinta; tinatawag iyong pagiging mapagmahal, pagiging romantiko.” Kung naghahanap ka ng romansa, mali ang napili mong lugar. Ang iglesia ay kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin; ito ay isang lugar para sa pagsamba sa Diyos, hindi para sa pakikipaglandian. Ang mga pampublikong pagpapakita ng gayong pag-uugali sa harap ng lahat ay nagdudulot ng pagkasuklam at pagkasuya sa karamihan ng tao. Ang pangunahing isyu ay na hindi ito nakapagbibigay-aral sa iba, at nawawala mo rin ang iyong integridad at dignidad. Ilang taon ka na ba? Hindi mo ba matukoy ang kanang kamay mo sa iyong kaliwa? Hindi mo ba nauunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at mga babae? At sa kabila niyon ay nakikipaglalandian ka pa rin! Normal para sa mga batang pito o walong taong gulang na magharutan; ang ganitong pag-uugali at mga interes ay karaniwan sa kanilang edad. Gayumpaman, kung nagpapakita ang mga nasa hustong gulang ng ganitong mga pag-uugali, hindi ba’t pagiging isip-bata ito? Sa madaling salita, iyon eksakto ito. Pagdating sa diwa, ano ito? (Pagpapakasasa, imoralidad.) Sobrang imoral ang lahat ng ito! Sa pananampalataya sa Diyos, ang isang tao ay dapat na magtaglay ng pagpapahalaga sa karangalan. Kahit sa mga hindi mananampalataya, kakaunti ang umaasal nang napaka-imoral. Napakawalang kuwenta at kasuklam-suklam ang gayong mga imoral na tao! Ang paghahagis ng mga bola ng niyebe sa mga damit ng kasalungat na kasarian para sa kasiyahan, hindi lang basta nakikipaghabulan dito kundi sinisipa pa ang likuran nito—kapag may isang tao na naglalantad ng katunayan na ang gayong pag-uugali ay masyadong imoral at pinalalabo ang mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, sinasabi nilang, “Naghahuratan lang kami nang ganito dahil masyado kaming malapit sa isa’t isa; dapat maunawaan ito ng mga tao.” Nagpapakasasa sila nang gayon kalabis, pinahihintulutan ang sarili nila hindi lang ang magpakasasa kundi hikayatin din ang iba na makisali sa kanilang pagpapakasasa. Anong uri ng abang tao ito? Sabihin mo sa Akin, dapat bang manatili ang gayong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Palaging hindi kumportable at nakakaasiwa sa pakiramdam ang makasama ang ganitong uri ng tao. Kapag may nakikita silang isang tao, hindi nila binabati ito nang normal; sa halip, bigla nila itong sinusuntok, sinasabing, “Nasaan ka ba nitong mga taong ito? Akala ko ay naglaho ka na sa mundong ibabaw! Kumusta ka na?” Maging ang paraan nila ng pagbati ay sobrang magaspang at mayabang; hindi lang sila nagsasalita nang magaspang, kundi nagiging pisikal pa sila sa iba. Hindi ba’t nahahawig ito sa pag-uugali ng mga maton at bandido? Gusto ninyo ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Kumportable ba ang pakiramdam ng hinahamak at pinaglalaruan? (Hindi.) Hindi ito kumportable, at hindi mo man lang maipahayag ito; kailangan mo lang itong tiisin, at sa susunod na makita mo sila, iiwas ka na lang sa malayo. Sa kabuuan, ano ang sinasabi nito tungkol sa kalidad ng pagkatao ng gayong mga tao? (Mababa.) Saang anggulo man sila tingnan—kahit pa sa kanilang pananalita at asal, kanilang personal na pagkilos, sa paraan nila ng pakikisalamuha sa mundo, at sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba, sa perspektiba nila sa mga kalakaran ng mundo ng mga walang pananampalataya, o paraan nila ng pananampalataya sa Diyos at sa saloobin nila sa Diyos at sa Kanyang mga salita—hindi mahirap makita na ang mga indibidwal na ito ay walang anumang pagiging madasalin o may-takot-sa-Diyos na puso. Wala ring makikitang anumang pagiging taos-puso sa kanila na hanapin ang katotohanan. Ang napagmamamasdan ay ang kanilang imoralidad at kawalan ng pagpipigil, ang kanilang patuloy na panggagaya sa mga sikat na personalidad at mga idolo, at ang kanilang kawalan ng anumang layunin na magbago gaano man ibinabahagi ang katotohanan. Paano maibubuod ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Imoralidad at kawalan ng pagpipigil. Kaya, puwedeng tiyak na sabihin na sila ay mga walang pananampalatayang sumalisi sa sambahayan ng Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya.
Ang mga tao na walang disiplina at walang pagpipigil ay gumagamit ng mga salitang katulad ng sa mga bandido at mga maton ng mundo ng mga walang pananampalataya; partikular silang nasisiyahan sa panggagaya ng pananalita at estilo ng mga sikat na tao at ng mga negatibong personalidad sa lipunan, kung saan karamihan sa wika nila ay may kasuklam-suklam na tono na parang isang maton o sanggano ang magsasabi. Halimbawa, kapag dumating ang isang walang pananampalataya, nagsabi ng ilang kakaibang parirala matapos kumatok sa pinto, sinasabi ng mga kapatid, “May kakaiba; bakit parang tiktik o espiya ang taong ito?” Bagama’t hindi pa sila makasiguro sa sandaling iyon, nababalisa ang karamihan ng tao. Gayumpaman, kahanga-hangang nagsasalita ang tao na walang disiplina at walang pagpipigil, malakas pa nga ang loob niya, sinasabi niya, “Tiktik? Hindi ako natatakot! Bakit kailangan silang katakutan? Kung natatakot kayo, huwag na kayong lumabas. Ako na ang bahala sa kanila.” Tingnan ninyo kung gaano sila katapang at kamapangahas. Magsasalita ba kayo nang ganito? (Hindi, hindi ganito magsalita ang mga normal na tao; parang pambandido ang dating ng ganitong pagsasalita.) Iba ang pagsasalita ng mga bandido kumpara sa mga normal na tao; partikular silang mapagmataas. Natututuhan ng mga tao ang wika ng kanilang uri; partikular na gumagamit ng mga salitang balbal ang mga tao na sanay sa kalye, tulad ng pagsasalita ng sariling bokabularyo ng mga bandido at maton, at ang mga hindi mananampalataya ay parang lang na mga walang pananampalataya, sinasabi ang kahat ng bagay na sinasabi ng mga walang pananampalataya Nasusuklam at napopoot ang mga mabuti, kagalang-galang, at matuwid na tao kapag naririnig nila ang pananalita ng mga walang pananampalataya; wala sa kanila ang sumusubok na gayahin ang ganoong uri ng pananalita. Ang ilang hindi mananampalataya, kahit na sampu o dalawampung dekada na silang nananampalataya, ay gumagamit pa rin ng wika ng mga walang pananampalataya, sadyang pinipili nila ang gayong pananalita, at habang nagsasalita ay ginagaya pa nga nila ang asal, mga ekspresyon, at mga pagkumpas ng mga walang pananampalataya, gayundin ang mga tingin ng mga mga ng mga ito. Maaari bang maging kaaya-aya sa mata ng mga kapatid sa iglesia ang mga gayong indibidwal? (Hindi.) Nasusuya at naaasiwa ang karamihan sa kapatid kapag nakikita sila. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng Diyos tungkol sa kanila? (Pagkasuklam.) Malinaw ang sagot: pagkasuklam. Mula sa isinasabuhay nila, mga hangarin, at mga tao, pangyayari, at bagay na iginagalang nila sa puso nila, malinaw na ang pagkatao nila ay hindi kumakatawan sa dignidad at pagiging disente at malayong-malayo sa debosyon at angkop na asal ng mga banal. Bihirang marinig mula sa bibig nila ang mga salitang dapat sabihin ng mga mananampalataya o mga banal, at ang mga salitang nagpapatibay sa iba at nagpapahiwatig ng integridad at dignidad; malamang na hindi nila sabihin ang mga ito. Ang iginagalang, inaasam, at hinahangad nila sa kanilang puso ay talagang hindi tugma sa dapat hangarin at asamin ng mga banal, kaya mahirap para sa kanila na pigilan ang panlabas na pamumuhay, pananalita, at asal nila. Isang malaking hamon na hilingin sa kanila na magpigil, hindi maging walang disiplina o hindi magpakasasa, at magpanatili ng dignidad at katuwiran. Ni hindi nila kayang maging normal na tao na may integridad at dignidad na angkop sa asal ng mga banal, sumusunod sa mga tuntunin, at mukhang may katwiran sa panlabas, lalong hindi nila kayang mamuhay bilang isang tao na may pagkatao at katwirang nakakaunawa sa katotohanan at nakakapasok sa katotohanang realidad. Noon, may isang tao na pumunta sa kanayunan para ipalaganap ang ebanghelyo at nakita niyang ang ilang kapatid ay may mga pamilyang salat sa yaman at nakatira sa mga bahay na sira-sira na. Sinabi niya nang may pang-uuyam at pangungutya, “Masyado nang sira-sira ang bahay na ito, hindi na ito akma para sa mga tao; halos hindi na nga ito akma para sa mga baboy. Dapat umalis na kayo agad dito!” Tumugon ang mga kapatid, “Madali namang umalis, pero sino ang magbibigay sa amin ng ibang bahay na matitirhan?” Nagsalita siya nang walang ingat at ayon sa sarili niyang kagustuhan, sinabi niya ang anumang pumasok sa isip niya nang hindi iniisip ang epekto nito sa iba. Ito ay pagkakaroon ng kasuklam-suklam na kalikasan. Nagtanong ang mga kapatid, “Kung aalis kami, sino ang magbibigay sa amin ng bahay na matitirhan? May bahay ka ba?” Wala siyang naisagot. Pagkakitang nahaharap sa paghihirap ang mga tao, kinailangan niyang magawang lutasin ang paghihirap bago magsalita. Ano ang mga kinahinatnan ng pagsasalita niya nang walang ingat nang hindi naman nagawang lutasin ang paghihirap ng mga ito? Ito ba ay problema ng pagiging masyadong prangka at diretsahan? Hinding-hindi. Ang problema ay masyadong malubha ang pagiging kasuklam-suklam niya; siya ay walang disiplina at walang pagpipigil. Ang mga gayong tao ay lubos na walang anumang konsepto ng integridad, dignidad, pagsasaalang-alang, pagtitiis, pagmamalasakit, paggalang, pag-unawa, pakikisimpatiya, awa, pagkamaaalahanin, pagtulong at iba pa. Ang mga katangiang mahalaga sa normal na pagkatao ay ang dapat taglayin ng mga tao. Bukod sa wala sila ng mga katangiang ito, sa pakikitungo nila sa iba, kapag nakikita nilang nahaharap sa mga paghihirap ang taong iyon, nagagawa pa nilang mangutya, mang-uyam, at manlibak; bukod sa wala silang kakayahang unawain o tulungan ang mga tao, nagdudulot pa sila ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pasakit, at maging ng problema sa mga ito. Para sa mga taong labis na kasuklam-suklam, nakikilatis sila ng karamihan ng tao, at paulit-ulit silang tinitiis ng mga ito. Sa palagay ninyo, pwede bang magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga gayong tao? Sa tingin Ko ay malabo ito. Batay sa kalikasang diwa nila, hindi sila nagmamahal sa katotohanan, kaya paano nila matatanggap ang mapungusan at madisiplina? Sa paglalarawan sa gayong mga tao, may mga termino ang mga walang pananampalataya tulad ng “pagsunod sa sariling landas” o “pagtahak sa sariling landas kahit ano pa ang sabihin ng iba”—isang kalokohan ang lohikang ito! Ang mga diumano’y sikat na kasabihan at idyomang ito ay madalas na itinuturing na mga positibong bagay sa lipunang ito, na nagbabaluktot sa mga katunayan at nakakalito sa kung ano ang tama at mali. Tungkol naman sa mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga walang disiplina at walang pagpipigil, ito na halos ang kabuuan nito.
Nakaaapekto man ang mga imoral at walang pagpipigil na indibidwal sa buhay-iglesia, sa mga normal na relasyon sa pagitan ng mga kapatid, o sa normal na pagganap ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga't ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng kanilang pagkatao ay nagdudulot ng masasamang epekto at kahihinatnan, ginugulo ang mga kapatid, dapat malutas ang mga isyung ito, at dapat magsagawa ng mga nararapat na pagkilos laban sa gayong mga indibidwal, sa halip na hayaan lang silang magpatuloy nang walang sagabal. Para sa maliliit na kaso, puwedeng magbigay ng tulong at suporta, o puwede silang mapungusan at mabalaan. Para sa malalalang kaso, kung saan partikular na imoral ang kanilang pag-uugali at asal, tulad nang sa mga walang pananampalataya o hindi mananampalataya, walang ni katiting na malasantong kagandahang-asal, ang mga lider at manggagawa ng iglesia ay dapat na maghanap ng mga angkop na solusyon para pangasiwaan ang mga indibidwal na ito. Kung karamihan sa mga kapatid ay sumasang-ayon at kung pinahihintulutan ng mga kondisyon, dapat paalisin ang mga indibidwal na ito; kahit papaano, hindi sila dapat pahintulutang gawin ang mga tungkulin sa iglesiang may tungkuling full-time. Ano ang tinutukoy ng “para sa maliliit na kaso”? Ibig sabihin nito na ang ilang tao ay mga bagong mananampalataya, na dating mga walang pananampalataya, na hindi kailanman naniwala sa Kristiyanismo at hindi nakauunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Ang kanilang pagsasalita at asal ay nagbubunyag ng mga gawi ng mga walang pananampalataya. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan ng katotohanan, at pagsasabuhay ng buhay-iglesia, unti-unti silang nagbabalik at nagbabago, nagiging parang mga mananampalataya, nagpapakita ng kaunting wangis ng tao. Ang mga taong ito ay hindi dapat ikategorya sa mga hanay ng masasamang tao, kundi bilang mga taong puwedeng matulungan. Ang isa pang kategorya ay ang mga kabataang may dalawampung taong gulang na, sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ay nagpapakasasa pa rin sa pagiging mapaglaro, hindi pa ganap na matatag, nagpapakita ng kaunting pagiging isip-bata sa kanilang panlabas na pananalita at asal—nagsasalita, umaasal, at kumikilos na parang mga bata—at iba pa, dahil sa mura nilang edad. Para sa mga taong ito, dapat ialok ang tulong at suporta nang may pagmamahal; dapat bigyan sila ng sapat na oras para unti-unting magbago nang hindi pinapatawan ng sobrang mahihigpit na hinihingi. Siyempre, para sa mga nasa hustong edad na maraming taon nang nanampalataya sa Diyos pero nagpapakita pa rin ng imoral at walang pagpipigil na pagsasalita, asal, pag-uugali, at mga pagkilos tulad ng mga walang pananampalataya, at na tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, kinakailangan ang ibang pamamaraan: dapat silang pangasiwaan nang naaayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Kung ang pagsasalita, asal, at mga pagbubunyag ng pagkatao ng gayong mga indibidwal ay nakagugulo sa nakararami at nagdudulot ng masamang epekto sa iglesia, na nagiging sanhi ng pagkasuklam ng marami kapag nakikita sila, ayaw makinig sa kanilang magsalita, ayaw makita ang mga ekspresyon nila kapag nagsasalita, at ayaw tingnan ang kasuotan nila, at karamihan ay mas masaya at nasa mas mabuting kondisyon kapag hindi dumadalo ang gayong mga indibidwal sa mga pagtitipon—nakararamdam ng pagkabalisa at pagkasuklam sa simple nilang pakikilahok sa buhay-iglesia at sa simple nilang presensiya kasama ang mga kapatid, na para bang mga insekto sila na nagdudulot ng mga kaguluhan—walang duda na ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao. Ibig sabihin, tuwing isinabubuhay nila ang buhay-iglesia at ginagawa ang tungkulin nila kasama ang mga kapatid, karamihan ng mga tao ay nakararamdam ng pagkabahala at partikular na nasusuklam. Sa gayong mga kaso, dapat pangasiwaan ang mga indibidwal na ito sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaang mapag-isa para gawin ang kagustuhan nila o mapasailalim sa karagdagang pagmamasid. Kahit papaano, dapat silang alisin sa iglesiang may tungkuling full-time at ipadala sa isang ordinaryong iglesia para magsisi. Bakit ganito ito pinangangasiwaan? (Nagdulot sila ng mga kaguluhan at masasamang kahihinatnan sa nakararami, gumugulo sa buhay-iglesia.) Dahil ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang mga pagpapamalas ay labis na ubod ng sama! Ayon dito, ang mga lider at manggagawa, gayundin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ay hindi dapat magbulag-bulagan sa mga ito at pikit-matang magpalayaw sa pag-uugali ng mga ito. Hindi angkop para sa mga lider at manggagawa na walang gawin kahit kapag ang gayong mga indibidwal ay nagdudulot ng mga kaguluhan sa nakararami; ang gayong mga indibidwal ay dapat na alisin sa iglesia ayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamatalinong desisyon.
Dati na bang napangasiwaan ng iglesia ang mga tao na imoral at walang pagpipigil? (Oo.) Nang pinangasiwaan ang gayong mga tao, may ilang umiyak, sinasabing, “Hindi ko ito sinasadya. Paminsan-minsang pag-uugali ko lang ito; hindi naman ako ganoong klase ng tao. Pakiusap, bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon! Kung hindi ako pahihintulutang gawin ang aking tungkulin, hindi ko magagawang manampalataya sa Diyos pagkauwi ko sa bahay, kung saan ang lahat ng tao ay mga walang pananampalataya.” Kaaya-aya silang magsalita at para talagang namimighati sila, nagpapahayag ng pag-aatubiling iwan ang Diyos at humihingi ng isa pagkakataon para magsisi sa sambahayan ng Diyos. Posibleng pagkalooban sila ng isa pang pagkakataon, pero ang mahalaga ay kung kaya ba nilang magbabago o hindi. Kung lubusang nakikita na ang taong ito ay walang kahit katiting na pagkatao, walang konsensiya o katwiran, maituturing na isang bagay na walang puso at espiritu, hindi siya dapat bigyan ng isa pang pagkakataon; magiging walang saysay ito. Gayumpaman, kung mabuti ang diwa ng isang tao, at hindi pa lang ganap na lumago ang kanyang pagkatao dahil sa mura niyang edad, at siguradong magbabago siya paglipas ng ilang taon, dapat siyang bigyan ng pagkakataon para magsisi. Talagang hindi siya dapat paalisin sa iglesia; walang mabuting tao ang kailanman puwedeng masira. May ilang tao na likas na hindi mananampalataya; likas silang mga imoral, mangmang, at hangal na bagay, at sa pagkatao nila likas na walang konsepto ng karangalan, hindi alam kung paano makaramdam ng kahihiyan. Pagkatapos kumilos sa isang magaspang na paraan sa publiko, karamihan sa mga tao ay makadarama ng pagsisisi at pagkapahiya na humarap sa iba. Bukod pa rito, kapag gusto nilang gumawa ng gayong mga bagay, nagagawa nilang maging mapagsaalang-alang sa mga damdamin at opinyon ng mga kapatid, at maingat sa sarili nilang integridad at dignidad, at hindi sila kikilos sa gayong paraan; sa pinakamalala marahil ay magwawala lang sila sa sa bahay kasama ang kanilang mga anak o kapatid. Kapag nasa labas at nakikisalamuha sa mga estranghero, dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng pagpapahalaga sa karangalan, pagiging disente, mga patakaran, at dignidad. Puwede bang magbago ang isang tao na walang pang-unawa sa mga konseptong ito kahit na may tulong mo? Kahit na napipigilan siya ngayon, gaano katagal niya kayang magtiis? Hindi magtatagal at babalik din siya sa mga lumang gawi niya. Dahil ang gayong mga tao ay walang dignidad at hindi nakararamdam ng kahihiyan sa kanilang pagkatao, hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng mga patakaran, pagiging disente, o ang kagandahang-asal ng mga santo, at ang pagkatao nila ay likas na hindi nagtataglay ng mga katangiang ito, hindi mo sila matutulungan. Ang mga taong hindi matutulungan ay mga taong hindi kayang magbago, mga taong hindi kayang turuan o impluwensyahan. Ang gayong mga tao ay kailangang alisin kaagad at sa lalong madaling panahon, para maiwasan silang magdulot ng mga kaguluhan sa mga kapatid, magdala ng kahihiyan dito. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman para magparami lang ng bilang. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang isang tao, walang silbi ang anumang pagpaparami ng bilang sa taong iyon. Iyong mga hindi kinikilala ng Diyos ay dapat paalisin—alisin iyong mga hindi dapat manatili sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ay makasasama ang presensiya ng isang taong ito sa marami pang iba, na hindi patas sa nakararami. Kung nakikilatis ninyo ang diwa niyong mga imoral at walang pagpipigil, dapat ninyo silang pangasiwaan at paalisin sila sa lalong madaling panahon, sa halip na pagtimpian sila habang panahon. Sinasabi ng ilan, “Paminsan-minsan ay nakagagawa sila ng ilang resulta kapag gumagawa ng tungkulin nila. Kailangan pa rin sila para sa aspekto ng gawaing iyon. Mayroon din silang napakamapagmahal na puso at makapagbabayad ng kaunting halaga.” Pero sino sa mga natitira sa sambahayan ng Diyos ang hindi makapagbabayad ng kaunting halaga? Sino ang hindi makapagkakamit ng ilang resulta kapag ginagawa ang tungkulin nila? Kung ang lahat ay makalilikha ng ilang resulta, bakit hindi na lang piliin ang mabubuting tao na may dignidad at disente para gawin ang mga tungkulin? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga uri ng tao na parang basura, mga salbahe, mga magugulo ang isip sa iglesiang may tungkuling full time para magdulot ng mga kaguluhan? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga hindi mananampalataya na namumuhay na parang mga walang pananampalataya para magtrabaho sa sambahayan ng Diyos? Hindi nagkukulang sa mga trabahador ang sambahayan ng Diyos; gusto lang ng sambahayan ng Diyos ang matatapat na tao na nagmamahal sa katotohanan, matutuwid na tao, at iyong mga kayang hangarin ang katotohanan, para igugol ang sarili nila para sa Diyos.
Karamihan sa mga kasalukuyang gumagawa ng mga tungkulin na nanampalataya na sa Diyos nang mahigit lima o anim na taon, at ang lahat ng uri ng tao na lubos nang nabunyag sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin—iyong mga hindi mananampalataya, mga taong magulo ang isip, mga huwad na lider, masasamang tao, at mga anticristo ay lahat nabunyag na. Marami sa hinirang na mga tao ng Diyos ay malinaw nang nakita na karamihan sa mga taong ito ay tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, at nakapagdulot na ng malulubhang panggugulo at paggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dumating na ang oras na dapat nang alisin ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makaaapekto sa operasyon ng gawain ng iglesia at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makaaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; ang buhay-iglesia ay patuloy na magugulo at hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan. Kaya, ang mga lider at manggagawa ng iglesia sa lahat ng antas ay dapat magsimulang linisin ang iglesia ayon sa mga layunin ng Diyos at batay sa mga salita ng Diyos. Nakikita ko na marami-raming tao ang walang pagkatao. Sa mga pagtitipon, may mga nagpapakita ng lahat ng uri ng hindi kaaya-ayang pag-uugali, at hindi nagpapakita ng angkop na asal nakaupo man o nakatayo, na may nakahandang tsaa, cellphone, facial cream, at pabango sa tabi nila. May ilang mahilig magmukhang maganda ay palaging tinitingnan ang itsura nila sa salamin at inaayos ang makeup nila, at may iba na palaging umiinom ng tubig, nagba-browse sa kanilang cellphone para magbasa ng balita o manood ng mga bidyo mula sa mundo ng mga walang pananampalataya, nagsasalita at nakikipag-usap nang nakakrus ang mga binti, binabaluktot ang katawan nila sa hugis nang parang sa isang ahas, nang hindi man lang pinananatili ang tamang hugis. Narinig ko rin na may ilang tao na bumabalik sa kuwarto nila sa gabi at humihiga sa kama nang hindi man lang tinatanggal ang mga sapatos nila, natutulog hanggang madaling araw. Sa umaga, binubuksan nila ang kanilang mga mata hindi para magdasal o magsagawa ng mga espirituwal na debosyon, kundi para tingnan muna ang balita sa cellphone nila. Sa oras ng pagkain, kapag nakakakita sila ng masasarap na pagkain, o kapag nakakakita sila ng karne, hayok na hayok silang kumain—hindi iniintindi kung may makakain pa ang iba, basta't mabusog sila—at pagkatapos ay diretso na silang bumabalik sa pagtulog. Kulang sila sa wangis ng tao sa anumang bagay na ginagawa nila, kumikilos nang imoral at walang pagpipigil tulad ng mga walang pananampalataya, hindi talaga sumusunod sa anumang alituntunin, wala ni katiting na pagsunod o pagpapasakop, parang mga hayop lang. Sabihin mo sa Akin, puwede bang maligtas ang uri ng mga tao na may gayong labis na basurang kalikasan? (Hindi.) Kung ganoon, may saysay pa ba ang pananampalataya nila sa Diyos? Na may kakayahang talagang napakababa para maabot ang katotohanan, mauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos kapag binasa nila ito? Nang hindi nagtataglay ng anumang alituntunin pagdating sa pagiging tao, makasasapat ba ang pagtatrabaho nila sa pamantayan? Nang walang konsensiya o katwiran, makatatanggap ba sila kapag nakikinig sa mga sermon at nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan? (Hindi.) Iyong mga nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali ay pundamental na walang anumang pagkatao, kaya paano nila makakamit ang katotohanan? Iyong mga walang pagkatao ay mga hayop, mga diyablo, mga patay na tao na walang espiritu, na hindi kayang makaunawa sa katotohanan kapag narinig nila ito at hindi karapat-dapat na marinig ang katotohanan. Ang pagpapaunawa at pagpapakamit sa kanila ng katotohanan ay parang pagsisikap na pastulin ang mga pusa o turuan ang mga baboy na lumipad—imposible! Noong nakaraan, kapag pinag-uusapan kung aling klase ng mga tao ang mga hayop, madalas na pinangungunahan ang salitang “hayop” ng salitang “aso,” kaya tinawag silang mga “aso-hayop.” Gayumpaman, pagkatapos mag-alaga ng mga aso at makipag-ugnayan sa mga ito nang malapitan, natuklasan ko na nagtataglay ang mga aso ng pinakamagagandang katangian na wala sa tao: Umaasal ang mga ito nang naaayon sa mga alituntunin, masunurin, at nakararamdam ng paggalang sa sarili. Magtakda ka ng limitasyon para sa pagkilos ng mga ito, at doon lang kikilos ang mga ito, at walang eksepsyon, talagang hindi pupunta ang mga ito sa mga lugar na ipinagbabawal mong puntahan ng mga ito. Kung di-sinasadya malabag ng mga ito ang mga limitasyon, kaagad silang umaatras, patuloy na kinakawag ang buntot nila, humihingi ng tawad at inaamin ang pagkakamali nila. Kaya ba ito ng mga tao? (Hindi.) Nagkukulang ang mga tao. Bagaman puwedeng hindi nakauunawa ang mga aso nang tulad sa mga tao, naaarok ng mga ito ang isang bagay: “Ito ay teritoryo ng may-ari, ang bahay ng may-ari. Pupunta ako saanman pinahihintulutan ng may-ari at iiwasan ang mga lugar na ipinagbabawal sa aking puntahan.” Kahit hindi pinapalo, iniiwasan ng mga ito na pumunta roon; may paggalang ang mga ito sa sarili. Alam maging ng mga aso kung ano ang kahihiyan, kaya bakit hindi ito alam ng mga tao? Labis-labis ba ang iklasipika iyong mga hindi alam ang kahihiyan bilang mga hayop? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan; karamihan sa mga tao ay hindi man lang nagtataglay ng mga birtud ng isang aso. Sa hinaharap, kapag sinabi nating ang ilang tao ay mga hayop, hindi na natin sila dapat tawaging “aso-hayop”; dahil magiging insulto ito sa mga aso, sapagkat ang mga taong ito, ang mga hayop na ito, ay mas masahol pa maging sa mga aso. Kaya, kapag ang gayong mga tao ay nagdudulot ng kaguluhan sa buhay-iglesia o sa pagganap ng mga kapatid ng mga tungkulin, dapat silang kaagad na paalisin—ito ay makatarungan at makatwiran lang, at hindi ito kalabisan. Hindi ito pagiging hindi mapagmahal; ito ay pagkilos ayon sa prinsipyo. Kahit pa nagpapakita ng ilang resulta ang mga imoral at walang-pagpipigil na tao sa kanilang mga tungkulin, puwede pa ba silang maligtas? Sila ba ay mga tao na tumatanggap ng katotohanan? Ni hindi nila kayang pigilan ang kanilang mga pagkilos, kaya paano nila matatanggap ang katotohanan? Hindi nila kayang panatilihin ang kanilang integridad at dignidad, kaya paano sila makapapasok sa katotohanang realidad? Imposible iyon. Kaya, ang pangangasiwa sa gayong mga indibidwal sa ganitong paraan ay talagang hindi kalabisan; ito ay ganap na nakabatay sa prinsipyo, at ganap na para sa pakay ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga panggugulo ni Satanas. Sa kabuuan, kapag natukoy ang gayong mga indibidwal, dapat silang pangasiwaan ayon sa ilang prinsipyong kababanggit Ko lang. Kalabisan ba na ikategorya ang ganitong uri ng tao na tunay na imoral at walang pagpipigil, at tunay na nagpapakasasa sa laman nang walang anumang malasantong kagandahang-asal bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Hindi.) Dahil ikinategorya sila bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya, ang pagbibilang sa kanila sa mga hanay ng iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat paalisin ng iglesia ay hindi kalabisan. Ang mga tao na hindi kayang pigilan ang sarili nilang pag-uugali at asal ay tiyak na hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Iyon bang mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan ay hindi mga kaaway ng katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Kalabisan ba na ikategorya iyong mga kaaway ng katotohanan bilang masasamang tao? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan. Kaya, ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila ay ganap na angkop.
D. Pagiging Mahilig sa Paghihiganti
Natapos na ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pagpapamalas ng ikatlong uri ng mga tao—iyong mga walang disiplina at walang pagpipigil. Bukod sa uring ito ng mga tao, marami pang iba na nabibilang sa kategorya ng masasamang tao, at dapat na kilatisin at alisin ng iglesia ang lahat ng ganitong uri ng masasamang tao. Susunod, tatalakayin natin ang ikaapat na uri. Sa iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat kilatisin at alisin ng iglesia, isang malaking hamon at problema ang ikaapat na uri. Sino kaya ang mga ito? Sila ang mga taong mahilig maghiganti. Batay sa pariralang “mahilig maghiganti,” malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito; sa pangkaraniwang pananalita, salot sila sa lipunan. Batay sa mga palagiang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao nila, pati na sa mga prinsipyo nila sa pagkilos, hindi mabuti ang puso nila. Gaya ng karaniwang kasabihan, “maitim ang budhi” nila. Sinasabi natin na hindi sila kabilang sa mabait na uri; sa mas partikular, ang mga taong ito ay hindi mabait bagkus ay malupit, mapaminsala, at marahas. Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na kumakanti sa interes, imahe, o katayuan nila, o nagpasama sa loob nila, sa isang banda, nagkikimkim sila ng pagkamapanlaban sa puso nila. Sa kabilang banda, batay sa pagkamapanlabang ito, kumikilos sila; kumikilos sila nang may layon at direksiyong maibulalas ang pagkamuhi nila at mapawi ang galit nila, isang pag-uugaling kilala bilang paghihiganti. Laging may ganitong ilang indibidwal sa mga tao. Ito man ay ang inilalarawan ng mga tao bilang pagiging mababaw, dominante, o sobrang sensitibo, anuman ang mga terminong ginagamit para ilarawan o ibuod ang pagkatao nila, ang karaniwang pagpapamalas ng pakikitungo nila sa iba ay kung sinuman ang di-sadya o sadyang makasakit o makapagpasama ng loob nila ay dapat magdusa at humarap sa mga kaukulang kahihinatnan. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Pasamain mo ang loob nila, at makukuha mo ang higit pa sa inaasahan mo. Kung magalit o masaktan mo sila, huwag mong asahang basta ka na lang makakatakas.” May umiiral bang mga gayong indibidwal sa mga tao? (Oo.) Tiyak na mayroon. Anuman ang mangyari, sulit man o hindi na magalit o magiging mababaw tungkol dito, iyong mga tao na mahilig maghiganti ay inilalagay ito sa kanilang pang-araw-araw na adyenda, itinuturing nila ito bilang isang napakahalagang usapin. Sinuman ang makapagpasama ng loob nila, hindi ito katanggap-tanggap, at humihingi silang mabayaran ang katumbas na halaga, na siyang prinsipyo nila sa pagtrato sa mga tao, sa pagtrato sa sinumang itinuturing nilang kaaway. Halimbawa, sa buhay-iglesia, may ilang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa kalagayan nila o normal na nagbabahagi o nagsasalaysay ng mga karanasan nila, tinatalakay nila ang mga kalagayan at katiwalian nila. Sa paggawa niyon, hindi nila sinasadyang madamay ang mga kalagayan at katiwalian ng iba. Maaaring hindi ito sinasadya ng nagsasalita, pero dinidibdib ito ng nakikinig. Pagkatapos makinig, hindi ito maarok o maharap nang tama ng indibidwal na ito, at malamang na magkaroon siya ng mapaghiganting mentalidad. Kung hindi niya palalagpasin ang usaping ito at igigiit niyang umatake at maghiganti, magdudulot ito ng problema sa gawain ng iglesia, kaya dapat na agad na mapangasiwaan ang usaping ito. Hangga’t may masasamang tao sa iglesia, hindi maiiwasang lilitaw ang mga kaguluhan, kaya hindi dapat balewalain ang mga insidente ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Sinasadya man o hindi, basta’t ginalit o sinaktan mo sila, hindi nila ito palalampasin basta-basta. Iniisip nila: “Binabanggit mo ang sarili mong katiwalian, bakit mo ako binabanggit? Tinatalakay mo ang pagkilala mo sa sarili, bakit mo ako inilalantad? Dahil sa paglalantad mo sa katiwalian ko, nawawala ang imahe at dignidad ko, nagigisa ako sa harap ng mga kapatid, nawawalan ako ng katanyagan, at nasisira ang reputasyon ko. Kung gayon, maghihiganti ako laban sa iyo; makukuha mo ang higit sa inaasahan mo! Huwag mong isiping madali akong apihin, na puwede mo akong kayan-kayanin dahil lang sa mahirap ang pamilya ko at mababa ang katayuan ko sa lipunan. Huwag mong isiping puwede mo akong kayan-kayanin; hindi ako isang taong puwedeng banggain!” Huwag nang isipin kung paano sila naghihiganti; isaalang-alang na lang natin ang mismong mga taong ito: Kapag nahaharap sila sa maliliit na usaping ito—mga usaping karaniwan sa buhay iglesia—bukod sa hindi nila matrato o maarok nang tama ang mga usaping ito, nagkakaroon pa sila ng pagkamuhi at naghihintay ng mga pagkakataon para makapaghiganti, gumagamit pa nga sila ng mga imoral na paraan para isakatuparan ang paghihiganti nila. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao nila? (Mapaminsala ito.) Mababait na tao ba sila? (Hindi.) Ang pinakamabuting uri ng mga tao ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan. Kapag naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan at nagbabahagi ng mga karanasan nila, pinag-iisipan nila: “May ganito rin akong katiwalian. Parang kalagayan ko ang inilalarawan nila. Sinasadya man nilang ilantad ako o hindi sinasadyang tinatalakay nila ang isang bagay na nagkataong katulad ng kalagayan ko, aarukin ko ito nang tama, pakikinggan ko kung paano nila ito dinanas, kung paano nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang kalagayang ito, at kung paano sila nagsasagawa at pumapasok.” Isa itong tao na tunay na tumatanggap sa katotohanan. Kapag narinig ito ng isang tao na medyo mas mababa ang antas, puwede niyang isipin, “Bakit parang katulad na katulad ng kalagayan ko ang tiwaling disposisyong kinikilala nila? Ako ba ang tinutukoy nila? Kung gayon, hahayaan ko lang silang magsalita. Kung tutuusin, wala namang nawala sa akin, at marahil ay hindi rin naman alam ng karamihan ng tao. Siguro ay tinutukoy lang nila ang sarili nila, at nagkataon lang na katulad ito ng kalagayan ko; pare-pareho naman kaming lahat ng kalagayan.” Hindi nila ito sineseryoso, wala silang kinikimkim na pagkamuhi sa puso nila, at hindi sila nagtataguyod ng isang mapaghiganting mentalidad. Gayumpaman, iba ito para sa mga di-mabait at masamang tao. Titingnan ng iba ang parehong usapin bilang karaniwan, pangangasiwaan at tatratuhin nila ito nang naaayon. Siyempre, maagap at positibo itong lulutasin ng mabubuting tao na tumatanggap sa katotohanan. Ang mga ordinaryong tao, bagaman hindi positibong nilulutas ito, ay hindi nagkikimkim ng pagkamuhi, lalong hindi sila naghahangad na makapaghiganti. Pero para sa mga tao na di-mabait, maaaring magtalo nang husto ang kalooban nila dahil sa gayong karaniwan at lubos na ordinaryong usapin, kaya hindi nila magawang kumalma. Ang mga bagay na ipinapakita nila ay hindi positibo o odinaryo, kundi malupit at buktot; naghahangad sila na makapaghiganti. Ano ang dahilan ng paghihiganti nila? Naniniwala sila na sinasadya silang siraan ng ng mga malisyosong pahayag, inilalantad ang tunay na sitwasyon tungkol sa kanila, gayundin ang pangit nilang bahagi at ang katiwalian nila. Itinuturing nila ang sinasabi ng mga tao bilang sinasadya, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaaway. Pagkatapos, pakiramdam nila ay makatarungan ang paggamit ng paghihiganti para ayusin ang naturang usapin, gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para makamit ang layunin nilang makapaghiganti. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Oo.) Sa buhay iglesia, kapag tinatalakay ng mga kapatid ang tungkol sa mga kalagayan nila, karamihan sa nakikinig ay naiuugnay ang mga ito sa sarili nila at nagagawa nila itong tanggapin mula sa Diyos. Tanging ang mga tutol sa katotohanan at may buktot na disposisyon ang nagpapakita ng pagkamapanlaban at maging ng mapaghiganting mentalidad pagkarinig nila rito, na lubos na nagbubunyag sa kalikasang diwa nila. Kapag nabuo na ang mapaghiganting mentalidad, susunod na ang isang serye ng mga mapaghiganting pag-uugali at kilos. Kapag nangyayari ang mga paghihiganti, ano ang nangyayari sa ugnayan ng mga tao? Hindi na wasto ang mga ito. At sino ang tunay na biktima rito? (Ang taong pinaghihigantihan nila.) Tama. Ang tunay na mga biktima ay ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ang mga mahilig maghiganti ay manghuhusga, mang-aatake, at magpaparatang o maninira pa nga sa mga tao na sa tingin nila ay naglalantad o nagkikimkim ng pagkamapanlaban sa kanila, gumagamit sila ng mga salita o kilos sa iba’t ibang sitwasyon. Ang mga taong mahilig maghiganti ay hindi lang sandaling nagkikimkim ng pagkamuhi sa puso nila at iyon na iyon; naghahanap at lumilikha pa nga sila ng mga oportunidad para gantihan ang mga tao na target ng kanilang paghihiganti, ang mga taong may mapanlaban silang saloobin, at ang mga taong sa tingin nila ay hindi paborable sa kanila. Halimbawa, sa panahon ng halalan ng mga lider, kung ang taong may mapanlaban silang saloobin ay nakatutugon sa mga prinsipyo ng paggamit ng mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos at kuwalipikadong mahalal bilang isang lider, ang pagkamapanlaban nila ay magdudulot sa kanila na husgahan, kondenahin, at atakihin ang taong iyon. Puwede pa nga silang magsagawa ng mga walang-nakakakitang pagkilos o gumawa ng mga bagay na makapipinsala sa taong iyon para makapaghiganti sila. Sa pagbubuod, iba’t iba ang mga paraan nila ng paghihiganti. Halimbawa, puwedeng makahanap sila ng mga bagay na puwedeng gamitin bilang bentahe laban sa isang tao at siraan ito, nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa taong iyon sa pamamagitan ng eksaherasyon at walang basehang sabi-sabi, o pagpapakalat ng alitan sa pagitan ng taong iyon at ng ibang tao. Puwede pa ngang magbigay sila ng huwad na paratang sa mga lider tungkol sa taong iyon, sinasabi na ang taong iyon ay hindi tapat, negatibo, at laban sa paggawa ng kanyang mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay pawang mga sadyang gawa-gawang pahayag, pawang inimbento lang. Tingnan ninyo kung paano, mula sa mga hinala at maling pagkaunawa nila sa taong iyon, lumilitaw ang napakaraming pag-uugali at kilos na wala sa katwiran; lahat ng pamamaraang ito ay nagmumula sa mapaghiganti nilang kalikasan. Sa katunayan, nang ibinahagi ng taong iyon ang kanyang mga patotoong batay sa karanasan, hindi naman talaga sila ang tinutukoy ng mga iyon; wala namang malisyang nakapuntirya sa kanila. Dahil lang sa tutol sila sa katotohanan at may malupit silang disposisyon na mahilig maghiganti kaya hindi nila tinutulutan ang iba na ilantad sila, ni pinapayagan ang mga talakayan tungkol sa pagkilala sa sarili, pagtalakay sa mga tiwaling disposisyon, o pag-uusap tungkol sa satanikong kalikasan ng isang tao. Kapag tinalakay ang mga gayong paksa, nagagalit sila, iniisip na sila ang tinutukoy at inilalantad, kaya bumubuo at lumilikha sila ng mapaghiganting mentalidad. Ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao na naghihiganti ay hindi limitado sa isang sitwasyon lang. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may malupit na kalikasan ang mga gayong indibidwal; walang makakapukaw o makakapagpagalit sa kanila. Likas na agresibo sila sa sinuman at anumang bagay, tulad ng isang alakdan o alupihan. Kaya, pinupukaw o sinasaktan man sila ng isang tao nang sadya o di-sadya, basta’t nararamdaman nilang nawalan sila ng dangal o dignidad, gagawa sila ng paraan para maibalik ang dangal at dignidad nila, na nagdudulot ng isang serye ng mga mapaghiganting pagkilos.
Sunod, magbabahagi ako ng iba pang mga pagpapamalas ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Ang iba ay pinupungusan ng mga lider dahil ginawa nila nang pabasta-basta ang kanilang mga tungkulin, na nagdudulot sa kanilang magkimkim ng kawalang-kasiyahan. Sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ang pagpupungos sa kanila? (Oo.) Ganap itong makatwiran at normal. Kung ginagawa mo nang pabasta-basta ang iyong tungkulin, nagdudulot ng pinsala sa gawain ng iglesia, at hindi ka kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at may isang tao na tumayo para ilantad at pungusan ka, makatwiran ito, at dapat mo itong tanggapin. Gayumpaman, hindi lang ito tinatanggihang tanggapin ng mga taong mahilig sa paghihiganti kundi nagkikimkim pa sila ng kawalang-kasiyahan. Pagkaalis ng lider, nagsisimula silang mambato ng masasakit na salita: “Para saan ka nagpapakitang-gilas? Hindi ba’t dahil lang may opisyal kang posisyon? Kung may gayon akong posisyon, magiging mas mahusay pa ako sa iyo! Pungusan ako, sino ka ba sa tingin mo? Kinamumuhian kita sa pagpupungos mo sa akin. Sinusumpa kita na mabangga ng sasakyan, na mamatay sa pagkabilaok sa inumin mo, na mamatay ka sa pagkabilaok sa pagkain mo. Sinusumpa kita na mamatay nang miserable! Nangahas kang pungusan ako? Walang sinuman sa mundo ang nangangahas na pungusan ako!” Kapag ang lider na iyon ay pinungusan ng mga nakatataas na lider dahil sa ilang usapin, nagagalak sila sa kasawian ng lider at nagiging lubos na masaya, humuhuni pa ng himig, iniisip sa sarili nilang: “Kumusta naman iyan? Nagpakitang-gilas ka, at ngayon ay nakukuha mo na ang pagpaparusa! Sinumang magpupungos sa akin, gagawin kong miserable ang buhay nila!” Ano ang masasabi mo tungkol sa gayong mga tao? (Malisyoso sila.) Kahit na gaano kamakatwiran ang pagpupungos sa kanila, hindi nila matanggap ito. Patuloy silang nakikipagtalo at ipinagtatanggol ang sarili nila, at pagkatapos ay patuloy nilang ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta, nananatiling hindi nagbabago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala. Kung palagi kang kikilos sa isang pabasta-bastang paraan, sa sambahayan ng Diyos, mapupungos ka lang; kung nasa iyong trabaho ka sa sekular na mundo at kumikilos ka nang pabasta-basta, puwede kang mapatalsik sa trabaho at mawalan ng iyong kabuhayan. Kadalasan sa sambahayan ng Diyos, ang prinsipyo ay ang magbahagi ng katotohanan at magbigay-suporta nang may pagmamahal, pinahihintulutan ang karamihan ng tao na maghangad ng katotohanan at magsagawa ng kanilang mga tungkulin nang normal. Sa katunayan, sa mga lider at manggagawa, iilan lang ang puwedeng humarap sa matinding pagpupungos. Karamihan sa mga tao ay kumikilos batay sa pananalig, kamalayan, konsensiya, at katwiran, tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at hindi gumagawa ng mga mabibigat na pagkakamali, kaya hindi sila dumaranas ng matinding pagpupungos. Gayumpaman, ang mapungos ay isang mabuting bagay; ilang tao ang nakararanas ng pagpupungos, lalo na mula sa mga Itaas? Nagpapakita ito ng isang malaking pagkakataon para sa pagkilala sa sarili at paglago sa buhay. Dapat nauunawaan ng mga mananampalatayas kahit papaano ang kabuluhan ng mapungos, at nakikilala ito bilang isang mabuting bagay. Kahit na ang pagpupungos mula sa mga partikular na indibidwal ay hindi ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, nahahaluan ng mga personal na hilig at pagiging maiinitin ng ulo, dapat mo pa ring suriin ang iyong sarili para makita kung aling mga aspekto ng iyong mga pagkilos ang hindi naaayon sa mga prinsipyo at positibong tanggapin ito; ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo. Pero, hindi matanggap ng masasamang taong ito maging ang makatwirang pagpupungos. Kahit na hindi siya kumikilos para maghiganti, napupuno ang puso niya ng matinding kawalang kasiyahan, at nagmumura at nanunumpa siya. Kapag iyong mga nagpungos sa kanya ay humarap sa sarili nilang pagpupungos o nakaranas ng mga pagsubok, mas masaya pa siya kaysa sa isang bata na nagdiriwang ng Bagong Taon. Ito ay ang pagpapamalas ng masasamang tao. Mayroon ding ilang tao na mapagkumpitensya sa paggawa ng kanilang tungkulin; madalas nilang hindi sinusunod ang mga prinsipyo at kumikilos nang pabasta-basta, na humahantong sa di-mabungang pagganap ng kanilang mga tungkulin. Kapag ang lider ay nagbahagi tungkol sa mga isyu nila at nagpupungos sa kanila, iyong mga mahilig sa paghihiganti ay hindi kayang tratuhin ang usaping ito nang tama. Kahit na sa panloob ay inaamin nila ang kanilang pagiging pabasta-basta at kawalan ng prinsipyo sa paggawa ng mga tungkulin nila, patuloy pa rin silang nagkakaroon ng mga kaisipan at pagkilos ng paghahangad na maghiganti bilang bilang tugon sa pagpupungos. Kasunod nito, nagsusulat sila ng mga liham na maling nag-aakusa sa lider, sinusunggaban ang ilan sa mga pagsasagawa nito at mga paglalantad ng mga katiwalian nito para palakihin at iulat sa mga nakatataas sa pagtatangkang palitan ang lider. Kung hindi nakamit ang layunin nila, naninira sila at nagdudulot ng mga kaguluhan sa likod ng mga eksena, matigas ang ulo sa paglaban sa mga pagsasaayos ng lider. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, o ang bisa ng paggawa ng kanilang tungkulin; ang iniintindi lang nila ay ang paglalabas ng kanilang galit. Tumanggi silang makinig sa sinuman, tinatanggihan maging ang mga paalala ng mga lider at manggagawa. Bagaman hindi sila sumasagot o lumalaban nang harapan, sa likod ng mga eksena, kaya nilang maglabas ng pagiging negatibo, bitawan ang kanilang mga responsabilidad bilang pagsalungat, at sunggaban ang anumang kalamangang magagamit nila laban sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o laban sa mga lider at manggagawa. Nagpapakalat pa nga sila ng mga kuru-kuro; sila mismo ay negatibo at nag-aatubiling gawin ang kanilang tungkulin, pero sinusubukan din nilang manghila ng marami pang tao para maging negatibo at magtamad-tamaran, at magpabaya sa kanilang mga tungkulin. Ano ang prinsipyo nila? “Hindi ako natatakot mamatay; kailangan kong makahanap ng ibang tao na mahihila pababa kasama ko. Pinupungusan ako ng lider, sinasabing hindi umaabot sa pamantayan ang pagganap ko ng aking tungkulin—kung ganoon, sisiguraduhin kong mabibigo ang lahat na gawin ang tungkulin nila nang maayos. Kung wala ako sa ayos, wala sa inyo ang magiging maayos! Pinupungusan ako ng lider, at pinagtatawanan ninyo akong lahat; pahihirapin ko ang buhay ninyong lahat!” Kapag ginagawa nila ang tungkulin nila nang pabasta-basta o nang laban sa mga prinsipyo, at may nag-ulat nito sa mga lider, iniimbestigahan nila ang usaping ito: “Sino ang nag-ulat sa akin? Sino ang nagsumbong sa akin sa mga lider? Sino ang may malapit na ugnayan sa mga lider? Kapag nalaman ko kung sino ang nag-ulat sa akin sa mga nakatataas na lider, hindi ako magpapakita ng anumang paggalang sa taong iyon! Hindi ko ito palalagpasin!” Hindi lang nila kayang magsabi ng mararahas na pahayag, kundi siyempre, kaya rin nilang isagawa ang gayong mga pagbabanta. Ang mga indibidwal na ito ay may maraming masama at mapanlinlang na taktika para makapaghiganti, hindi lang sa pamamagitan ng pagsunggab ng kalamangan para husgahan at ikondena ang iba; may ilan na sadyang ninanakaw ang charger ng laptop ng taong gusto nilang paghigantihan, dahilan para hindi niya magawang i-recharge ang kanyang laptop at hinahadlangan ang paggawa niya ng tungkulin. May ibang sadyang dinaragdagan ng maraming asin ang pagkain ng isang tao para hindi na ito puwedeng makain. Ang magagaspang na paraan ng paghihiganti, karaniwan sa mga hindi mananampalataya, ay ginagamit din ng masasamang tao sa loob ng iglesia. Ang mga paraan nila ng pagsasagawa ng kanilang paghihiganti ay sobrang humihigit pa sa mga ito, kabilang ang mga taktikang hindi pa natin nakikita noon, nagbibigay lang tayo ng ilang simpleng halimbawa. Kabilang sa mga ito, may ilang indibidwal na sadyang gumagawa ng gulo, hadlang, at mga paghihirap para sa iba; karaniwang pangyayari ito. Sa bawat grupo, sa ilalim ng iba't ibang sitwasyon at kapaligiran, ang malupit na disposisyon niyong mga mahilig sa paghihiganti ay patuloy na nalalantad. Ang mga mapaghiganting pagpapamalas ng masasamang tao at mga anticristo ay mas lalo pang kitang-kita. Hangga't may masasamang tao at mga anticristo sa loob ng iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos, na tunay na nananampalataya sa Kanya at naghahangad sa katotohanan, ay magugulo. Sa bawat araw na naroroon ang masasamang tao at mga anticristo ay isang araw na walang kapayapaan sa iglesia—ang mabubuting tao ay aatekihin at ibubukod; sa partikular, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay makararanas ng pagkamapanlaban at paghihiganti mula sa masasamang tao at mga anticristo. Paano pinahihirapan ng at naghihiganti ang masasamang tao at mga anticristo sa iba? Una, tinatarget nila iyong mga naghahangad sa katotohanan at sumusunod sa mga prinsipyo. Malinaw na nakikita ng masasamang tao na iyong mga naghahangad lang sa katotohanan ang pinakamapanganib para sa kanila. Una sa lahat, kaya silang kilatisin ng mga taong nakauunawa sa katotohanan; basta’t gumawa sila ng masama, makikilatis sila ng mga taong nakauunawa sa katotohanan. Pangalawa, nang naroroon ang mga taong nakauunawa sa katotohanan, medyo mapipigilan ang kanilang masasamang gawa, ginagawang mahirap para sa kanila na makamit ang kanilang mga layon. Mula sa perspektibang ito, ang mga naghahangad sa katotohanan lang ang mga tagapagtanggol ng gawain ng iglesia. Nang naroroon iyong mga naghahangad sa katotohanan, hindi nangangahas na maghari-harian ang mga anticristo at masasamang tao at dapat magsagawa sila ng kaunting pagpipigil. Kaya, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo at masasamang tao, sakit sa ulo nila, at iyon ang dahilan kung bakit gumagawa sila ng mga paraan para isakatuparan ang kanilang paghihiganti.
Kapag nagsasagawa ang masasamang tao ng paghihiganti nila, nagpapakita sila ang isang malupit na disposisyon, nagiging hindi makatwiran at walang pagkamakatwiran. Iyong mga nakasama nila ng ilang panahon at nakauunawa sa kanila ay medyo natatakot sa kanila. Ang pakikipag-usap sa kanila ay nangangailangan ng labis na pag-iingat at paggalang, hinihingi ang labis-labis na respeto. Dapat palaging pakalmahin at pagbigyan sila ng mga ito, at anumang isyu o kamalian na mayroon sila ay hindi dapat direktang tukuyin. Sa halip, kailangan ng mga itong talakayin ang mga isyung ito nang paligoy-ligoy, nang may panunuyo, at pagkatapos magsalita, kailangan din ng mga itong purihin sila, sinasabing, “Kahit na mayroon kang kapintasan o pagkukulang na ito, mas mabilis kang matuto ng mga kasanayan kaysa sa amin, ang iyong mga propesyonal na kakayahan ay mas malakas kaysa sa iba, at ang iyong kahusayan sa gawain ay mas mataas kaysa sa amin. Nakikita ko ang iyong mga pagkakamali bilang mga kalakasan.” Kinailangan pa nga ng mga ito na bolahin sila. Bakit ginagawa ito ng mga ito? Dahil ito sa takot ng mga ito sa paghihiganti nila. Sa ganitong paraan, nalulugod ang masasamang taong ito at napahihinahon sila sa kanilang puso. Para maiwasan ang kanilang paghihiganti, karamihan sa mga tao ay natatakot magbanggit ng mga isyung napapansin nila sa kanila nang harapan, ni hindi nangangahas ang mga ito na iulat ang mga isyung ito. Kahit na malinaw na pinipinsala nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at na ang gawain ng iglesia ay naaantala dahil sa katigasan ng ulo nila at walang-ingat na pagkamapangahas nila, o kahit kapag napapansin ang pagkabaluktot sa kanilang direksiyon at mga prinsipyo, walang sinuman ang naglalakas-loob na tumutol o mag-ulat sa kanila sa mga nakatataas. Dahil sa malupit nilang disposisyon at sa pagkatao nila na mahilig sa paghihiganti, medyo natatakot sa kanila ang iba, nagagalit pero masyadong natatakot na magsalita tungkol dito. Ang pakikipag-usap sa kanila ay dapat na maging partikular na magalang at diplomatiko, na may sobrang mabait, malumanay, at pinong saloobin sa kanila. Kapag nakikipag-usap sa kanila ang mga tao nang may respeto at paggalang, pinagbibigyan sila, nakararamdam sila ng kaginhawaan sa puso nila. Gayumpaman, kung may isang taong prangka, inilalantad ang lahat ng isyu nila at nag-aalok ng mga suhestiyon, nasusuklam sila, nakikita ito bilang kawalang-respeto, bilang pagkakaroon ng iba ng pagtutol o poot sa kanila. Ito ang nagtutulak sa kanila na maghiganti laban sa taong ito at pahirapan siya; kailangan nila siyang pabagsakin at sirain ang pangalan niya. Kung ang taong iyon ay napasakamay nila, wala siyang kahahantungang mabuti. Nakakatakot ba ang gayong mga tao ba? (Oo.) Kung hindi mo sila nauunawaan at napasama mo ang loob nila, magtatanim sila sa iyo ng galit, mag-iisip na maghiganti laban sa iyo kahit habang kumakain at natutulog sila. Kapag nasa radar ka na nila, tiyak na magkakaroon ng problema, dahil determinado silang maghiganti. Bagaman puwede ka pa rin nilang kausapin tulad nang dati sa panlabas, sa sandaling magsimula silang mag-isip na maghiganti, ang lahat ng bagay na dati mong ginawa o sinabi sa kanila ay magiging armas nila laban sa iyo. Tatratuhin ka nila bilang kaaway, at magsasagawa ng paghihiganti nila nang paunti-unti hanggang sa pakiramdam nila ay sapat na silang nakapaghiganti at ganap nang nasiyahan. Ito ang kahihinatnan ng pakikisalamuha sa masasamang tao.
Ang mga tao na mahilig sa paghihiganti, batay sa kanilang iba't ibang pag-uugali at sa mga prinsipyo at pamamaraan sa kanilang mga pagkilos at sa kanila bilang isang tao, ay nagbabanta ng panganib sa halos lahat ng tao, maliban sa iyong mga may mabait na puso at magiliw sa lahat at na walang prinsipyo sa pakikitungo sa sinuman—ang gayong mga indibidwal ay ligtas kasama ng malulupit na tao. Gayumpaman, iyong mga nakararamdam ng kahit katiting konsensiya o katarungan ay, sa iba't ibang antas at sukat, makadarama ng banta kapag nasa presensiya ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Sa malalalang kaso, puwede silang makaranas ng pisikal na pinsala o maging ng mga banta sa buhay nila, habang sa mas magagaang sitwasyon, maaari silang mapasailalim sa mga pasalitang pag-atake, paninirang-puri, o pamamaratang. Ilan ang mga ito sa mga pangkalahatang pagbubunyag at pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Batay sa kanilang pangkalahatang pagpapamalas, ang gayong mga tao ay nagdudulot din ng mga kaguluhan sa mga kapatid at sa loob ng iglesia. Halos lahat ng nakikipag-ugnayan sa mga mapaghiganting tao na ito ay nagiging target ng kanilang paghihiganti at, halos palaging, nagiging isang biktima. Iyong mga mahilig sa paghihiganti ay may malupit disposisyon, mga bomba silang maaaring sumabog anumang sandali. Bagaman puwede silang sumunod sa nakararami para gawin ang mga tungkulin nila at mamuhay ng normal na buhay-iglesia, batay sa pagkatao nila, puwede silang maghiganti at maging banta sa iba anumang oras, at magtutulak sa mga tao na matakot at mag-ingat laban sa kanila. Hindi ba’t nagdudulot na ito ng kaguluhan para sa nakararami? (Oo.) Para maiwasang mapasama ang loob nila, para mapalugod sila, at para maiwasang magtanim sila ng sama ng loob at maghiganti, dapat palaging maging maingat ang mga tao sa kanilang mga ekspresyon at makinig sa mga ipinahihiwatig na kahulugan ng mga salita nila, sinusubukang alamin ang kanilang mga layunin, layon, at direksiyon kapag nagsasalita sila. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t karamihan sa mga tao ay hindi lang nagugulo nila kundi nakokontrol din nila? (Oo.) Kaya, batay sa kalikasan ng usaping ito, hindi ba’t masasamang tao ang gayong mga mapaghiganting indibidwal? (Oo.) Napakalinaw na dapat silang tukuyin bilang masasamang tao. Kung susubukan ng isang taong unawain ang sitwasyon ng gayong mga indibidwal, karamihan ay matatakot na magsabi ng katotohanan tungkol sa kanila, at isasantabi ang bawat katanungang tungkol sa kanila gamit ang mga di-tiyak na sagot tulad ng “Ayos lang,” hindi maglalakas-loob na iulat ang kanilang mga problema o magsalita tungkol sa at magtasa sa kanila. Hindi ba’t problematikong sitwasyon ito? May ilang nagsasabing, “Ang gayong masasamang tao ay puwedeng maghiganti anumang oras at saanmang lugar; sino ang mangangahas na kantiin sila?” Higit pa rito, palagi nilang sinasabi na may mga koneksiyon sila sa underworld at sa mga lehitimong pangkat, nagbabanta na kung may sinumang sasalungat sa kanila, hindi magiging maganda ang kahihinatnan ng taong iyon, tuturuan nila ito ng leksiyon, at gagawing miserable ang kamatayan ng pamilya nito. Kaya, walang sinumang nangangahas na kantiin sila. Hayaan lang sila, at aasa na lang tayo na magiging maayos ang lahat para sa atin.” Tingnan mo, nangyayari ang gayong sitwasyon sa iglesia, na ibig sabihin talaga na kontrolado na nila ang mga taong ito. Dahil sa nasaksihan na ng mga ito ang malupit nilang disposisyon sa paghihiganti, hindi naglalakas-loob ang mga tao na akusahan o pungusan sila, at hindi naglalakas-loob na sabihin ang tunay na pagtatasa ng mga ito sa kanila. Kailangan iwasan silang pag-usapan, sa takot na mapasama ang loob nila, at maging ang pagsasabi ng mga detalye tungkol sa mga tunay na pagpapamalas nila sa likod nila ay sobrang nakatatakot. Ano ang kinakatakutan ng mga tao? Natatakot sila na makararating ang mga salita nila sa pandinig ng mapaghiganting tao, na maghihiganti sa kanila. Pagkatapos magsalita, napahahampas sila sa noo nila at napasasabing, “Ay naku, nagsalita ako nang wala sa lugar ngayon. Maghintay lang, magdurusa ako dahil dito. Bakit ba hindi ko kasi matikom ang bibig ko?” Mula noon, nabubuhay sila sa takot at pagkabahala, nagdadahan-dahan sa buhay, palaging nagmamasid kapag nasa paligid ng taong iyon, iniisip, “Alam kaya niya ang sinabi ko? Narating kaya ito sa pandinig niya? Pareho pa rin ba ang saloobin niya sa akin sa dati?” Habang mas nag-iisip sila, lalong hindi sila mapakali, at habang mas tumatagal, lalong lumalaki ang takot nila, kaya nagpapasya silang mas mabuti pang iwasan na lang ito, iniisip, “Hindi ko kayang magbakasakaling kantiin siya, pero kahit papaano ay maiiwasan ko siya. Alam man niya o hindi ang sinabi ko, hindi ba puwedeng lumayo na lang ako sa kanya?” Sobrang nilalamon sila ng takot na ito na ni hindi sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon, iniiwasan ang anumang lugar kung saan puwedeng naroroon ang malupit na taong ito, kahit na para lang gawin ang tungkulin nila, at mabaliw-baliw na sila sa takot.
Paano dapat pangasiwaan ang masasamang tao na iyon na mahilig sa paghihiganti? (Paalisin sila.) Napakasimple lang ito: Dalawang salita lang—paalisin sila—at tapos na ito. Kung paaalisin sila at magdiriwang ang nakararami, nakararamdam ng malalim na kasiyahan, ibig sabihin na tamang desisyon ang paalisin sila. Noong nakaraan, sa mga pagtitipon, ang presensiya ng masasamang tao ay nangangahulugang napipigilan ang karamihan habang nagbabahagi; natatakot sila na ang isang salita ay puwedeng makapagpasama sa loob ng masasamang tao, kaya't nag-iingat sila laban sa at umiiwas sa mga ito habang nagsasalita. Doon lumitaw ang isang di-nasusulat na patakaran sa mga pagtitipon: Kung may isang taong magbigay ng senyales gamit ang mga mata nila, mabilis na baguhin ang paksa. Ito ang lumitaw na kalagayan ng mga usapin. Kapag napaalis na ang mga taong mahilig sa paghihiganti, mapayapa ang iglesia, naging normal ang buhay-iglesia, at bumalik din sa normalidad ang ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang mga kapatid ay malaya na nyayong makapagbabahagi at makakapagdasal-basa ng mga salita ng Diyos, at malayang makapagbabahagi ng kanilang mga patotoong batay sa karanasan, nang hindi kontrolado ng sinuman, nang hindi natatakot sa sinuman, at nang hindi kailangang mag-ingat sa ekspresyon ninuman. Batay sa resultang ito, tama ba na paalisin ang gayong masasamang tao? (Oo.) Tiyak. Dapat silang paalisin. Kung hindi sila paaalisin, magiging di-matiis ang buhay para sa lahat, at marami ang labis na matatakot na dumalo sa mga pagtitipon. Ang ilang matatakuting indibidwal ay puwede pa ngang magdusa mula sa mga bangungot, palaging nananaginip na sinasakal sila ng masasamang demonyo. Palagi silang magiging sobrang maingat sa mga pagtitipon, hindi kailanman maglalakas-loob na magsalita, hindi makararamdam na pinalaya at malaya. Dahil pinaalis ang masasamang tao, ganap na silang nagbago: Naglalakas-loob na sila ngayong magsalita sa mga pagtitipon, naging mas aktibo na sila sa pagbabahaginan, at nararamdaman na nilang sila ay pinalaya at malaya. Hindi ba’t isang mabuting bagay ito? (Oo.) Madaling makilatis ang gayong mga mapaghiganting indibidwal na may malupit na disposisyon. Sa pangkalahatan, pagkatapos makipag-ugnayan sa isang tao nang higit sa anim na buwan, dapat na narararamdaman at malinaw nang nakikita ng lahat ng tao kung ganoong uri ba ang mga ito ng indibidwal; nagiging halata ito pagkatapos gumugol ng ilang panahon kasama ang mga ito. Hindi dapat maging pasibo ang mga lider at manggagawa sa iglesia sa pangangasiwa sa gayong masasamang tao. Ano ang ibig sabihin na huwag maging pasibo? Ibig sabihin nito na huwag maghintay hanggang sa ginalit na ng mga ito ang lahat sa pamamagitan ng panlilihis sa ilang tao at paggawa ng masasamang gawa bago pangasiwaan ang mga ito—magiging masyadong pasibo iyon. Kaya, kailan ang pinakamainam na oras para pangasiwaan ang masasamang tao? Ito ay kapag ang maliit na bilang ng mga tao ay napinsala na at nakararamdam ng matinding pag-ayaw at pag-iingat laban sa mga ito, at kapag ang mga ito ay ganap nang natukoy bilang masasamang tao. Sa puntong ito, dapat kaagad pangasiwaan at paalisin ang mga ito para maiwasang mapinsala ang mas marami pang tao, at para maiwasan ang mga matatakutin na matakot nang husto o magkamali dahil sa kanila. Ano ang pinakamahalaga rito? Kung pahihintulutan ang masasamang tao na magdulot ng kaguluhan sa loob ng iglesia nang masyadong matagal, ang pinakahuling resulta ay na makokontrol nila ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung naging ganito na ito kalala, ang lahat ay magdurusa. Para maiwasan ang pinsala sa lahat, kapag may ilang tao na napinsala na, o kapag may ilang nagkaroon na ng matinding pag-ayaw at nakilatis na ang gayong mga indibidwal, natutukoy ang mga ito bilang masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, dapat kaagad paalisin ang mga ito ng mga lider ng iglesia. Hindi sila dapat maghintay hanggang sa makagawa na ng maraming kasamaan at magdulot ng galit sa publiko ang masasamang tao bago magpasyang kumilos—magiging masyadong pasibo iyon; at hindi ba’t magiging inutil ang mga lider ng iglesia kung ganoon? (Oo.) Sa pagsasagawa ng gayong gawain, ang mga lider ng iglesia ay dapat partikular na maging sensitibo sa mga kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag ng gayong mga indibidwal, mabilis na nakikilatis ang disposisyon ng mga ito, at pagkatapos ay natutukoy na ang mga ito ay masasamang tao na dapat paalisin, pinangangasiwaan ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi posible na gumawa ng desisyon sa simula, kinakailangan ang pagtutok sa pagmamasid, maingat na binabantayan ang pananalita, pagkilos, at asal ng mga ito, inuunawa ang mga kaisipan ng mga ito at ang mga tendensiya ng kanilang mga pagkilos. Kapag natuklasang may balak ang mga itong maghiganti, dapat magsagawa ng agarang mga hakbang para paalisin ang mga ito, para maiwasang mapinsala at magdusa sa mga pagkilos ng paghihiganti ang mas maraming tao.
Sinasabi ng ilang lider ng iglesia na, “Hindi kami natatakot sa masasamang tao; bukod sa pagkatakot sa Diyos, wala kaming kinatatakutang sinuman. Ano ang masasamang tao sa amin? Hindi man lang kami natatakot kay Satanas, ni hindi kami natatakot sa mga pagdakip at pag-uusig ng malaking pulang dragon, kaya bakit namin dapat katakutan ang masasamang tao? Ang isang masamang tao ay isang maliit na demonyo lang, bakit siya dapat katakutan? Pananatilihin na lang namin siya sa iglesia at hahayaan ang karamihan sa mga kapatid na magdusa ng kapinsalaan. Pagkatapos magdusa, lalago sila sa pagkilatis, at nang may pagkilatis, hindi na sila magagapos at mapipigil ng gayong masasamang tao. Magiging napakainam niyon!” Kaya bang kamtin ng nakararami ang ganitong tayog? (Hindi.) Hindi nila kayang kamtin iyon. Masyadong mahina ang kanilang pananalig, masyadong kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan nila, at masyadong maliit ang kanilang tayog. Iniiwasan nila ang masasamang tao sa tuwing nakikita ang mga ito, hindi sila naglalakas-loob na mapasama ang loob ng mga ito. Maliban sa pagkatakot sa kamatayan at pagpapahalaga sa sarili nilang buhay, karamihan sa mga tao ay pinoprotektahan din ang iba't iba nilang makalamang interes; hindi nila magawang magkamit ng pagkilatis o matutunan ang mga leksiyon mula sa iba’t ibang bagay na ginagawa ng masasamang tao. Kaya, ang ideyang ito ay pundamental na hindi praktikal at hindi magbubunga ng anumang resulta. Kung magpapakita ang isang masamang tao sa iglesia, sa panahong nakilala at natukoy na ng karamihan na ang indibidwal na iyon ay masama, gaano karaming tao ang nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan para manindigan, kumawala sa masamang tao, lumaban dito, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Anong porsiyento iyon? 10% ba? Kung hindi 10%, 5% ba? (Mga ganoong porsiyento.) Ibig sabihin na sa isang grupo ng dalawampu, puwedeng may isang tao lang na maninindigan para lumaban sa isang masamang tao, para ilantad at hamunin ito gamit ang mga salita ng Diyos, makipagtalo, at paalisin ito mula sa iglesia. Ang gayong mga indibidwal ay mga bayani sa hinirang na mga tao ng Diyos, ang mga taong may merito sa iglesia. May ilang lider at manggagawa na natatakot na pangasiwaan ang masasamang tao. Naaangkop ba ang gayong mga tao sa kanilang mga papel? Kuwalipikado ba silang magpatotoo sa Diyos? Kapag nakaririnig sila ng tungkol sa isang masamang tao na kailangang paalisin mula sa iglesia, sinasabi nilang, “Medyo abala na paalisin siya. Naging sobrang pamilyar ako sa kanya dati. Alam niya kung saan ako nakatira at kung sino sa aking pamilya ang nananampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ko siya, tiyak na maghihiganti siya sa akin.” Ano sa tingin ninyo, karapat-dapat bang maging mga lider at manggagawa ang gayong mga tao? (Hindi.) Pagkatapos matuklasan ang isang masamang tao na kailangang paalisin, ang unang naiisip nila ay ang sarili nilang mga interes, natatakot sa paghihiganti ng masamang tao. Nabibigo silang isaalang-alang kung ang masamang tao, na alam ang ilang lokasyon ng pagtitipon at impormasyon ng kontak ng mga kapatid, ay puwedeng ipagkanulo ang iglesia o ang mga kapatid pagkatapos mapaalis, pati na rin kung paano ito dapat maiwasan. Ang pangunahing inaalala nila ay hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kundi ang takot sa masamang tao, na alam ang sitwasyon ng pamilya nila, ay puwedeng magkanulo at negatibong makaapekto sa kanilang pamilya. Nagpapatotoo ba ang gayong mga lider at manggagawa? (Hindi.) Nakikita ng ilang lider at manggagawa ang masasamang tao na naghahari-harian at nagtatangkang kontrolin ang iglesia, pero hindi sila naglalakas-loob na magsalita. Sa halip, nakikipagkompromiso sila at umiiwas, hindi naglalakas-loob na pangasiwaan ang masasamang tao. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao, nakararamdam sila ng sobrang takot, na para bang nakakita sila ng masamang demonyo na may tatlong ulo at anim na braso, nabibigong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Samantala, may ilang ordinaryong kapatid na nagtataglay ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan, nagtataglay ng tapang at pananalig na manindigan at ilantad ang masasamang tao pagkatapos matuklasan ang mga ito, hindi natatakot na paghigantihan sila ng masasamang tao. Gayumpaman, ang gayong mga indibidwal ay masyadong kakaunti sa iglesia. Ang 5% na nabanggit ninyo kanina ay puwedeng isang eksaherasyon, hindi isang konserbatibong pagtataya. Mula sa perspektibang ito, ano ang saloobin ng nakararami sa mga indibidwal na may malupit na disposisyon na mahilig sa paghihiganti? (Karamihan sa mga tao ay mapagprotekta sa sarili.) Ang una nilang iniisip ay ang protektahan ang sarili nila, hindi iniisip kung paano manindigan at lumaban sa masasamang tao para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, nakatuon lang sila sa sariling proteksiyon. Anong problema ang ipinapakita nitong pagprotekta sa sarili? (Ang gayong mga tao ay labis na makasarili.) Una, sinasalamin nito ang isang sobrang makasariling pagkatao, at isa pa, ipinapakita nito na ang pananalig ng karamihan sa mga tao sa Diyos ay masyadong mahina. Sinasabi nila nang pasalita, “Ang Diyos ang may katas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; Ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag nahaharap sa realidad, pakiramdam nila ay hindi nila masasandigan ang Diyos at dapat silang umasa sa sarili nila, inuuna ang sarili nilang proteksiyon, na isang bagay na itinuturing nilang pinakamataas na karunungan. Ang implikasyon nito ay: “Walang makapoprotekta sa akin, maging ang Diyos ay hindi maaasahan. Nasaan ang Diyos? Hindi natin Siya nakikita! Bukod pa rito, hindi ko alam kung poprotektahan ba ako o hindi ng Diyos. Paano kung hindi Niya ako pinoprotektahan?” Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao. Palagi nilang ipinahahayag, “Ang Diyos ang may katas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; Ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag may nangyayaring mga sitwasyon, hinahangad lang nila ay ang sariling proteksiyon, hindi magawang manindigan laban kay Satanas at panindigan ang kanilang patotoo, wala man lang nitong kalakas na pananalig. Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao; ito rin ay ganap na nalantad ng usaping ito. Ganoon lang kaliit ang kanilang tayog. Tungkol sa masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, kung may ilang indibidwal na gusto silang ilantad pero nakararamdam ng pagkabukod at kawalang kapangyarihan at natatakot na sugpuin ng masasamang tao, dapat silang magkaisa kasama ng ilang lider at manggagawa o mga mapagkilatis na kapatid. Pagkatapos nilang magsanib-puwersa, magkakaroon sila ng ganap na kumpiyansa sa tagumpay. Pagkatapos, puwede nilang ilantad at himayin ang mga pagkilos at pag-uugali ng gayong masasamang tao, pinahihintulutan ang nakararami na makilatis at malinaw na makita ang tunay na mukha ng masasamang tao, para magawang magkaisa ng lahat sa puso at isipan at sama-samang paalisin ang masasamang tao. Kanina, binanggit ninyo na kapag nagpapakita ang masasamang tao, may isa sa bawat dalawampu sa hinirang na mga tao ng Diyos ang puwedeng magtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan para magsalita nang makatarungan at maglakas-loob na manindigan at paalisin ang masasamang tao. Ang isa sa dalawampu ay masyadong kaunti; kung ang isang iglesia ay binubuo lang ng sampung tao, paano nila aalisin ang masasamang tao? Hindi nila magagawa iyon; ang sampung taong iyon ay mapasasailalim sa pagkontrol ng masasamang tao, at magtitiis ng pagmamaltrato mula sa kanila, na hindi katanggap-tanggap. Magiging napakainam na maglayon para sa isa sa bawat sampu o kahit isa sa bawat limang tao na may tapang na manindigan at lumaban sa masasamang tao! Ang patuloy na paghahangad na protektahan ang sarili ay nagreresulta hindi lang sa pagkawala ng patotoo sa harap ni Satanas, kundi mas malala, nawawala rin nito ang pagkakataong makamit ang katotohanan sa harap ng Diyos. Sa isang iglesia na may isang masamang tao, sa pinakamababa ay may ilang taong mapipinsala; kung may dalawang masamang tao, ang karamihan ay mapipinsala; at kung isang anticristo ang humahawak ng kapangyarihan, na may maraming kasabwat at kampon sa ilalim niya, ang lahat ng hinirang na tao ng Diyos sa iglesia ay mapipinsala. Ganito ba ang kaso? (Oo.) Ang isang taong naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa isang yunit ng lakas, samantalang ang sampung tao na naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa sampung yunit ng lakas. Kaya, sa tingin ninyo ba, mas kinatatakutan ng masasamang tao ang isang tao o ang sampung tao? (Ang sampung tao.) Kaya, kung dalawampu, tatlumpu, o limampung tao ay lahat maninindigan laban sa masasamang tao, sino ang magwawagi sa huli? (Ang mga kapatid.) Sa huli, magwawagi ang mga kapatid. Hindi ba’t mas pinadadali nito ang pagpapaalis sa masasamang tao? May lakas sa bilang—ang simpleng konseptong ito ay dapat maging malinaw sa inyong lahat. Kaya, ang pagkilatis at pagpapaalis ng masasamang tao ay hindi lang responsabilidad ng isang partikular na lider o manggagawa kundi isang kolektibong responsabilidad ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Sa pagsusumikap ng mga lider at manggagawa, pati na ang kooperasyon ng hinirang na mga tao ng Diyos para paalisin ang masasamang tao, ang lahat ay magtatamasa ng magagandang araw. Kung ang masasamang tao ay hindi mapapaalis at maiiwan sa iglesia sa pag-asang magsisisi sila, pero walang pagbabagong nakikita sa kanila pagkatapos ng anim na buwan o isang taon, at patuloy silang nadudulot ng di-matiis na kaguluhan sa hinirang na mga tao ng Diyos, ito ay resulta ng pagpapakita ng awa sa masasama. Ang pagpapahintulot sa masasamang tao na maghari-harian at kontrolin ang iglesia ay katumbas ng pagbibigay sa sarili sa masasamang tao, pati na rin ang paghahatid ng mga kapatid sa kanilang mga kamay, pinahihintulutan sila na malayang kontrolin at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Madali bang maunawaan at makamit ang katotohanan sa isang kapaligiran kung saan ang masasamang tao at mga anticristo ang may hawak ng kapangyarihan? (Hindi.) Mahalaga ang oras. Sa pagpapaalis sa masasamang tao sa lalong madaling panahon, puwede mong maibalik ang kapayapaan at tamasahin ang tamang buhay-iglesia sa lalong madaling panahon, at mas mauunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo paaalisin ang masasamang tao, magdudulot sila ng kaguluhan at pagkawasak sa mga tao tulad ng mga asong ulol, nagsasabi at gumagawa ng anumang naisin nila. Pinagkakaitan ka nito ng oras para makamit ang katotohanan, ibig sabihin, ang iyong oras at ang pagganap mo ng tungkulin ay kontrolado ng masasamang tao. Isa ba itong mabuti o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa teorya, alam ng lahat na isa itong masamang bagay, pero kapag nahaharap sa masasamang tao na gumugulo sa iglesia, hindi na sila ganito mag-isip, nakatuon lang sa kung paano hindi sila mabibiktima ng pagpapakana o malubhang mapinsala ng masasamang tao. Kung ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa isang iglesia ay natatakot nang ganito sa masasamang tao, madaling makokontrol ang iglesia ng masasamang tao at mga anticristo, at ang hinirang na mga tao ay makokontrol din. Maliligtas ba sila ng Diyos kung ganoon? Mahirap sabihing oo. Kung ang isang iglesia ay walang dalawa o tatlong tao na nakauunawa sa katotohanan at na may iisang puso at isipan sa pagpapatotoo at paglilingkod sa Diyos, isang walang pag-asang iglesia ito, at iyon ay isang kalunos-lunos na sitwasyon.
Ang pagiging mahilig sa paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masamang asal, at isa ito sa mga pag-uugali at pagpapamalas na dulot ng isang malupit na disposisyon. Ang gayong mga indibidwal, kapag nagpapakita sila ng ganitong partikular na pag-uugali, ay dapat na matukoy bilang masasamang tao. Siyempre, may ilang tao, dahil may makitid silang pag-iisip, walang pananaw, o mga bagong mananampalataya sila na hindi pa nauunawaan ang katotohanan, na palaging nakikipag-away sa iba, nagkikimkim ng pagkamuhi sa mga hindi paborable sa kanila o mga nakapinsala sa kanila, o minsang gumamit ng ilang pamamaraan para maghiganti sa partikular na mga indibidwal—pero pagkarinig na iyong mga mahilig sa paghihiganti ay masasamang tao at dapat paalisin sa iglesia, binabago nila ang pag-iisip nila, lihim nilang binabago ang sarili nila sa loob, at nagpapakita ng kaunting pagtitimpi at pagpipigil sa mga pag-uugali nila. Sabihin Ninyo sa Akin, itinuturing ba ang gayong mga tao bilang kabilang sa hanay ng masasama? (Hindi.) Ano ang nagpapakita nito? (Ang kanilang kakayahang baguhin ang sarili nila.) Ano ang ipinapakita ng kakayahan nilang baguhin ang sarili nila? Ipinapakita nito na kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay isang magandang penomena. Bakit sinasabi nating kaya nilang tanggapin ang katotohanan? Dahil, pagkarinig sa katotohanan hinggil dito at mapagtanto na ang paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masasamang tao, nagninilay sila sa sarili nilang masamang kalagayan, inaamin ang tiwali nilang diwa, at pagkatapos ay nagsisisi sa Diyos, kumikilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos, at pinipigilan ang pag-uugali nila. Ito ay isang pagpapamalas ng pagtanggap sa katotohanan. Ang masasamang tao na tinutukoy natin dito ay hindi tumatanggap ng katotohanan. Gaano kalinaw mo mang ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap; nananatiling matigas ang kanilang ulo, hindi nakikinig sa sinuman. Kahit magbabala ka pa sa kanila, “Ang mga pagkilos mo ay hahantong sa pagpapaalis sa iyo,” wala silang pakialam at nagpapatuloy sa mga gawi nila, hindi mababago ninuman. Kapag inilalantad mo sila, hindi nila inaamin ang mga kamalian nila. Kapag sinasabi mo sa kanila na sila ay isang tao na mahilig sa paghihiganti, masama sila, at dapat silang paalisin, hindi pa rin nila aabandonahin ang masama nilang gawain at talagang hindi sila magbabago. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila iyong mga tutol sa katotohanan. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—gaano man tinutukoy ang disposisyong diwa nila, gaano man inilalantad masasamang gawa nila, o gaano man sila pinangangasiwaan, nananatili silang hindi natitinag, talagang hindi nagpapakumbaba at umaamin sa mga pagkakamali nila, at tiyak na hindi nila bibitawan ito. Ito ay kawalang kakayahang magbago. Ano ang diwa ng hindi pagbabago? Ito ay ang pagtangging tumanggap ng katotohanan. Kung kaya nilang tumanggap ng kahit isang tamang pahayag o isang aspekto ng katotohanan, hindi sila magpapatuloy sa maling landas nang hindi bumabalik. Magbabago sila ng direksiyon, aaminin ang kanilang mga pagkakamali, at kahit papaano, bibitawan nila ang mga bagay na dati nilang pinagpipilitan. Dahil masasamang tao sila, dahil masasamang indibidwal sila na may malupit na disposisyon, pagkatapos lumitaw ng pag-uugali nila ng paghihiganti mula sa gayong disposisyon, hindi lang sila tumatangging tanggapin ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, ang mapungusan, o ang ganitong uri ng pagtukoy, kundi sa kabaligtaran ay iginiit nila ang mga gawi nila hanggang sa huli. Wala silang balak na tanggapin ang matukoy o malantad, ni hindi nila balak na aminin ang katiwalian nila. Siyempre, nang hindi inaamin ang kanilang katiwalian, hindi rin nila binabalak na abandonahin ang kanilang pag-uugali at mga pagkilos ng paghihiganti, ni ang mga prinsipyo nila kung paano maging isang tao. Ganap at lubos na masama sila. Hindi ba’t ang gayong masasamang tao ay mga diyablo? (Oo.) Sila ay mga diyablo na tiyak na nagtataglay ng diwa ni Satanas. Hindi mo sila mababago. Bakit hindi sila mababago? Ang ugat na dahilan ay ang kanilang ganap na pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Tinatanggihan nila maging ang pinakamaliit na katotohanan, anumang tamang pahayag, positibong salita, o positibong bagay. Kahit na pasalita nilang tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at bilang mga positibong bagay, hindi talaga tinatanggap ng puso nila ang katotohanan, ni hindi nila binabalak na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos para baguhin ang kanilang paraan ng pagiging isang tao at paggawa ng mga bagay. Minsan, maaaring pasalita nilang tinatanggap na ang pagkilos nila ay ganap na batay sa pilosopiya ni Satanas, pero hinding-hindi pa rin nila tatanggapin ang katotohanan. Ang sinumang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila ay sinasalubong ng matinding pagkasuklam, at maging ng pagkamuhi at panghuhusga nila, at ang sinumang naglalantad at kumikilatis sa kanila ay nagiging target ng pagkamuhi at paghihiganti nila, kahit sino pa ito—hindi pinalalampas maging ang sarili nilang mga magulang. Hindi na ba sila matutubos? (Oo.) Hindi na sila matutubos. Nakahihinayang ba na paalisin sila? (Hindi.) Ang gayong mga indibidwal ay dapat paalisin o patalsikin. Lahat ng ito ay mga pangunahing pagpapamalas niyong mga mahilig sa paghihiganti; ito ang mga katangian nila, mga disposisyon nila, mga pamamaraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay-bagay at mga proseso nila ng pag-iisip, pati na rin ang saloobin nila sa katotohanan—ito na talaga ito. Natalakay na ang epektong mayroon sila sa iglesia at sa mga kapatid, kaya hindi na kailangang pagbahaginan pa ito muli. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng ikaapat na uri ng mga tao—iyong mahilig sa paghihiganti.
E. Hindi Magawang Makontrol ang Sariling Dila
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa ikalimang uri ng mga tao, iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Isang seryosong problema ba ito? Kung titingnan ito mula sa literal na pananaw, parang hindi naman malaking isyu ang hindi magawang kontrolin ang dila ng isang tao. Puwedeng may partikular na kaisipang ang ilan tungkol sa pagtukoy sa mga indibidwal na ito bilang masasamang tao: “Dahil may bibig ang mga tao, nakatakda silang magsalita anumang oras at kahit saan; puwede nilang talakayin ang mga usapin anumang oras at kahit saan. Hindi ba’t medyo kalabisan na tukuyin iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila bilang masasamang tao na dapat paalisin?” Ano ang palagay ninyo tungkol dito? (Kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan at paggambala sa buhay-iglesia o sa gawain ng iglesia, na nagdudulot ng masamang kahihinatnan, sila rin ay paaalisin.) Ang problema sa gayong mga tao ay hindi tungkol sa hindi nila pagkontrol sa dila nila; problema ito sa kanilang pagkatao. Kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan sa mga kapatid, sa buhay-iglesia, at sa gawain ng iglesia, o ang mga salita nila ay katumbas ng pagkakanulo at pagtataksil sa iglesia, at nagdudulot pa nga ng kahihiyan sa sambahayan ng Diyos at sa ngalan ng Diyos, dapat pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Talakayin muna natin ang mga pagpapamalas niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila, at pagkatapos ay kung paano sila pangangasiwaan. Matatawag bang “tsismosa” ang mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila? (Oo.) Ganoon ba? Katangian ba ito ng gayong mga tao? Ang pagiging “madaldal” ba ay nangangahulugang pagiging hangal at walang malay sa kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin, sinasabi ang anumang maisip nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan? Ito ba ang ibig sabihin ng hindi pagkontrol sa dila ng isang tao? (Hindi.) May ilang tao na magaling sa pagsasalita at pakikipag-ugnayan; prangka sila, at medyo simple at matapat. Madalas silang magbahagi ng mga saloobin at ideya nila, ng mga pagbubunyag nila ng katiwalian, kung ano ang naranasan nila, at maging ang mga pagkakamali nila, sa iba. Gayumpaman, hindi nangangahulugan na ang mga indibidwal na ito ay hangal o hindi kayang kontrolin ang dila nila. Mukhang nagsasalita sila tungkol sa lahat ng bagay at medyo simple at matapat; pero pagdating sa mahahalagang isyu, mga isyu na makapagdudulot ng kahihiyan sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos, o mga isyu na makapagsasanhi sa pagkakanulo nila sa mga kapatid o sa iglesia, sa gayon ay ginagawa silang mga Judas, hindi sila umiimik. Ito ang tinatawag na pagkontrol sa dila nila. Kaya, hindi ibig sabihin na ang mga prangkang tao, mga madadaldal, o iyong magagaling magsalita ay hindi kayang kumontrol ng dila nila. Ano ang ibig sabihin dito ng hindi magawang kontrolin ang dila ng isang tao? Ang hindi magawang kontrolin ang dila ng isang tao ay nangangahulugang pagsasalita nang walang prinsipyo, at pagsasalita nang walang ingat nang hindi isinasaalang-alang ang mga tagapakinig, ang okasyon, o ang konteksto. Bukod pa rito, ibig sabihin nito na lubos na walang alam ang isang tao sa pagprotekta sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o wala talagang pakialam kung nakikinabang ang mga kapatid o ang buhay-iglesia, at basta lang nagsasabi ng anuman. Ano ang kahihinatnan ng “basta lang nagsasabi ng anuman”? Ito ay ang di-sinasadyang pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga interes ng mga kapatid. Hindi sinasadya, dahil sa walang ingat nilang pagsasalita at kawalang-kakayahan na kontrolin ang dila nila, binibigyan nila ng bentahe ang mga walang pananampalataya para kutyain ang partikular na mga kapatid, at hayaan ang mga walang pananampalataya at mga tao na hindi nananampalataya sa Diyos na makaalam ng maraming bagay na hindi dapat nila nalalaman. Bilang resulta, ang mga taong ito ay malayang nakapagkokomento at nakapagbibigay ng walang galang na mga puna tungkol sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos at mga panloob na pangyayari ng iglesia, at nakapagsasabi ng mga bagay na naninira at lumalapastangan sa Diyos. Puwede pa nga silang lumikha ng mga tsismis tungkol sa mga kapatid, sa iglesia, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng masamang kahihinatnan. Ito ay nagiging panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at itinuturing na paggawa ng masama. May ilang indibidwal na nagbibigay ng partikular na pansin sa pagkatuto tungkol sa at pag-iimbestiga sa kung sino ang mga lider at manggagawa sa iglesia, mga adres ng pamilya nila, personal na impormasyon ng mga kapatid, gawaing pinansiyal at pagkukuwenta ng iglesia, mga tala ng mga taong pinaalis o pinatalsik sa iglesia. Partikular na nakatuon din sila sa pag-aaral ng tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia. Ang gayong pag-uugali ay lubhang kahina-hinala at puwedeng magpahiwatig na sila ay mga tiktik o espiya ng malaking pulang dragon. Kung makatatagas ang mga detalyeng ito sa mga walang pananampalatayang diyablo, pinahihintulutang malaman ng malaking pulang dragon ang tungkol sa kanila, magiging hindi kapani-paniwala ang kahihinatnan. May ilan, dala ng kahangalan at kamangmangan, na puwedeng magbahagi ng impormasyong ito o bahagi nito sa mga walang pananampalatayang kapamilya nila, na pagkatapos ay nagpapalaganap nito o nagpapaalam nito sa mga ahente ng malaking pulang dragon. Puwedeng magbanta ito ng mga potensiyal na panganib at magdala ng maraming problema sa gawain ng iglesia, na may di-maisip na mga kahihinatnan. Ang mga panloob na usaping ito ng iglesia ay madalas na di-sinasadyang naibabahagi sa mga walang pananampalatayang kapamilya ng ilang tao, na naglalantad ng lahat ng bagay nang walang pasubali. At naibabahagi pa nga ang mga ito sa kanilang mga walang pananampalatayang kamag-anakan at kaibigan. Humahantong ito sa patuloy na pagtagas ng mga panloob na usapin ng iglesia sa panlabas na mundo, sa pamamagitan ng mga salita nila. Ano ang kahihinatnan ng mga pagtagas na ito? Marami sa kanilang mga walang pananampalatayang kapamilya, kamag-anakan, at kaibigan ang makaaalam sa maraming panloob na pangyayari ng iglesia na puwedeng hindi alam kahit ng mga kapatid, o mga adres ng tirahan ng mga kapatid, ang mga tunay nilang pangalan, at mga pribadong usaping mag-asawa. Paano tumatagas ang mga usaping ito ng iglesia? Paano nalalaman ang mga ito ng mga walang pananampalataya? May mga “tagapag-ulat” sa loob ng iglesia! Ano ang tawag sa gayong mga tao? (Iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila.) Eksakto. Ibinabahagi nila ang lahat ng nangyayari sa pang-araw-araw na buhay-iglesia o mga bagay na may kinalaman sa mga kapatid sa kanilang mga walang pananampalatayang kapamilya, tulad ng isang partikular na kapatid na nakikipagdiborsyo, isa pang kapatid na may asawang nawalan ng pera sa negosyo o may suwail na anak, o isa pang partikular na kapatid na bumibili ng bahay, at iba pa. Pinag-uusapan din nila ang tungkol sa mga kapatid na dinakip ng malaking pulang dragon at naging mga Judas, o iyong mga nanindigan sa kanilang patotoo, at binanggit pa nga na pinungusan sila ng mga lider ng iglesia. Ang mga pag-uusap nila sa bahay ay umiikot lang sa mga paksang ito. Nagbibigay pa nga ang mga kapamilya nila ng mga payo at estratehiya para tulungan silang kumilos laban sa mga lider, mga kapatid, o sinuman sa iglesia na hindi nila nakakasundo, nagdudulot ng mga hamon, o naglantad na sa kanila. Sa mga pagtitipon ng mga kapatid, ang gayong mga indibidwal ay mukhang partikular na masunurin at may mabuting asal, nagsasalita nang kaunti, hindi magaling makipag-usap, hindi kailanman nagsasalita ng tungkol sa kanilang mga sariling tiwaling disposisyon, hindi nagbabahagi ng kanilang patotoong batay sa karanasan, at bihira pa ngang magdasal. Tinatrato nila ang mga kapatid nang may pag-iingat, habang tinatrato ang mga walang pananampalatayang kapamilya nila na para bang sila ay mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Binibigkas nila ang lahat ng detalye tungkol sa iglesia sa mga kapamilya nila nang walang pagkukulang, ibinabahagi ang lahat sa mga ito, kasama maging ang pagpapalimbag ng iglesia ng mga aklat ng Salita ng Diyos, kung sino ang may mga talento sa iglesia, at iba pa—ang lahat ng ito ay tinatalakay sa kanilang mga kamag-anak at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos. Anuman ang pakay nila sa paggawa nito, ang pinakahuling kahihinatnan ay na ipinagkakanulo nila ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid. Alam nila ang sitwasyon ng bawat pangunahing miyembro ng iglesia. Siyempre, ang mga taong ito ay mga paksa rin sa mga talakayan at paghuhusga nila sa likod ng mga tao, at puwedeng maging mga tao pa na palihim nilang ipinagkakanulo. Kung may isang tao na may magandang relasyon sila, walang tigil sila sa pagpuri sa taong iyon sa harap ng pamilya nila. Sa kabaligtaran, kung may isang tao na may hindi magandang relasyon sa kanila, walang tigil silang nagbibitiw ng masasakit na salita tungkol sa taong iyon sa harap ng pamilya nila, dinudulot pa nga na makisali ang pamilya nila sa pasalitang pang-aabuso, tinatawag ang mga kapatid na mga hangal o sinasabing walang kuwenta ang mga ito. Iniinsulto ng mga indibidwal na ito ang mga kapatid gamit ang anumang nakaiinsultong salitang ginagamit ng mga walang pananampalataya. Para silang mga walang pananampalataya; mga ganap silang hindi mananampalataya; wala silang kabutihan, at ang gayong mga indibidwal ay nararapat na kaagad paalisin.
Sa bansa ng malaking pulang dragon, ang impormasyon ng lahat ng nananampalataya sa Diyos ay dapat na panatilihing kumpendensiyal, at kahit kapag lumipat sa ibang bansa ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat manatilihing pribado ang impormasyon nila. Ito ay dahil ang mga espiya ng malaking pulang dragon ay kalat sa bawat bansa sa mundo, sumasalisi sa bawat lugar na may partikular na layuning mangalap ng impormasyon tungkol sa iyong mga nananampalataya sa Diyos. Sa kalakhang Tsina, ang sitwasyon ng mga kapatid na sumusunod sa Diyos ay lubhang mahirap at mapanganib. Kahit na mangibang bansa sila, may kaakibat na partikular na antas ng panganib. Kung makakalap ng mga espiya ng malaking pulang dragon ang impormasyon nila, sa isang banda, may panganib ng ekstradisyon, at sa isa pa, maaaring masangkot ang mga kapamilya at kamag-anakan nila sa kalakhang Tsina. Para sa mga kadahilanang pangkaligtasan at bilang paggalang sa mga indibidwal, ang personal na impormasyon ng mga kapatid ay dapat panatilihing kumpedensiyal at hindi ibahagi ng lahat sa mga hindi nananampalataya sa Diyos. Kahit sa iyong mga nananampalataya sa Diyos, ang personal na impormasyon ay hindi dapat na kaswal na ibinubunyag sa iba nang walang pahintulot ng indibidwal. Lubos na ipinagbabawal ang pagtrato sa anumang impormasyon tungkol sa mga kapatid, gawain ng iglesia, at mga tungkuling ginagawa ng isang tao, mga karanasang isinasalaysay sa pagbabahaginan, at iba pang gayong detalye bilang mga paksa ng usapan para ikuwento sa mga walang pananampalataya sa oras ng pahinga ng isang tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtalakay sa mga usaping ito sa kanila? Mayroon bang anumang positibo o konstruktibong resulta? (Wala.) Ang kahihinatnan ng gayong mga talakayan ay na ang mga walang pananampalatayang diyablong ito ay manununggab ng kalamangan, mangungutya, at manghuhusga, at manunumpa at maninirang-puri pa nga. Mabuti ba ito? (Hindi.) Dapat ninyong suriin kung may mga indibidwal sa loob ng iglesia na may mga natatagong motibo, na tumatalakay sa gayong mga detalye bilang mga aktuwal na sitwasyon ng gawain ng iglesia at buhay-iglesia—gayundin kung sino ang tunay na nananampalataya sa Diyos, sino ang naghahangad sa katotohanan, sino ang gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang hindi gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang madalas negatibo, sino ang may magulong pananalig, at maging ang personal na impormasyon at mga sitwasyon tungkol sa mga kapatid—sa mga walang pananampalataya at hindi nananampalatayang kapamilya, lahat nang walang pasubali. Hanapin ang gayong mga tao. May mga usapin na hindi kailangang malaman maging ng mga tao sa loob ng iglesia, pero mas alam pa ang mga usaping ito ng mga walang pananampalatayang kapamilya kaysa niyong mga nasa loob ng iglesia—at mas malinaw pa ngang nalalaman ang tungkol sa mga ito. Paano ito nangyayari? Ito ang “ambag” ng isang tiktik sa loob. Tinatrato ng tiktik na ito ang kanyang mga kapamilya na parang mga lider ng iglesia, iniuulat pabalik sa bahay ang anumang makita niya sa iglesia sa kanyang mga “lider” sa pagtatangkang sumipsip at palalimin ang emosyonal na koneksiyon sa kanyang pamilya. Malinaw na ang lahat ng usaping ito na may kaugnayan sa iglesia ay ipinagkanulo ng mga tiktik na ito na hindi kayang kontrolin ang dila nila. Wala silang paggalang sa mga kapatid, ni hindi nila pinoprotektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang lipunan o isang pampublikong lugar, kaswal na nagkokomento at nanghuhusga sa mga kapatid na para bang mga walang pananampalataya sila, sumasali pa nga sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya sa malayang panghuhusga sa mga kapatid. Bukod pa rito, may ilang indibidwal na, pagkatapos mapungos ng mga lider o pagkatapos ng alitan, di-pagkakaunawaan, at di-pagkakasundo sa mga kapatid, ay umuuwi at gumagawa ng eksena, sinisiguradong alam ng pamilya nila ang lahat tungkol dito. Ang kahihinatnan nito ay na ang pamilya nila ay naghihiganti sa mga lider o sa mga kapatid, nilalayong ipagkanulo at pabagsakin ang iglesia. Isang mabuting phenomena ba ito? (Hindi.) Ang pagbabahagi ng mga panloob na pangyayari ng iglesia, at ng mga bagay gaya ng kung ilang kapatid ang namumuhay ng buhay-iglesia, at kung anong mga tungkulin ang ginagawa ng lahat kasama ng mga miyembro ng pamilya, kamag-anak, at kaibigan nang walang pasubali—anong uri ng mga kawawa sila? Mga tunay na mananampalataya ba sila? (Hindi.) Mga miyembro ba sila ng sambahayan ng Diyos? Matatawag ba silang mga kapatid? (Hindi.) Ang pagpapanatili sa gayong mga tiktik at natatagong taksil sa loob ng iglesia ay magdadala, maging sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap, ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid. Kahit na parang wala silang gaanong nagagawang masasamang gawa sa buhay-iglesia, ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang lihim na pagpapasa ng iba’t ibang detalye tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, kay Satanas, at sa mga diyablo ay labis na nakapipinsala! Dapat bang pahintulutang manatili ang gayong basura sa iglesia? (Hindi.) Karapat-dapat ba silang tawaging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos? Karapat-dapat ba silang tratuhin bilang mga kapatid? (Hindi.) Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon.) Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon! Patalsikin sila! Ito ang dahilan kung bakit kailangan silang paalisin: “Hindi mo kayang kontrolin ang dila mo, nabibigo kang makilala kung ano ang mabuti para sa iyo, kinakagat ang kamay na nagpapakain sa iyo. Nananampalataya ka sa Diyos at nagtatamasa ng Kanyang biyaya, pati na ng tulong, pagmamahal, pasensya, at malasakit mula sa mga kapatid, pero ipinagkakanulo mo pa rin ang mga kapatid at ang iglesia nang ganito. Wala kang kuwenta; lumayas ka!” Ang mga usapin tungkol sa mga kapatid, ang mga usapin ng iglesia, at ang anumang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi dapat na isiwalat sa mga walang pananampalataya, ni hindi rin dapat gamitin bilang mga paksa ng walang kabuluhang usapan nila. Hindi sila karapat-dapat dito! Sinumang nagpapakalat ng gayong impormasyon ay nagiging isang isinumpang tao, isang taong dapat paalisin ng iglesia, at dapat silang tanggihan ng mga kapatid. Batay lang sa mga pagkilos nila ng pagkakanulo sa mga kapatid at sa iglesia, ibinabahagi ang mga panloob na usapin ng iglesia sa mga walang pananampalataya para sa kaswal na usapan, walang dudang sila ay mga taksil, tiktik, at masasamang tao na nararapat paalisin mula sa iglesia. Ang mga kapatid ay malayang makipagbahaginan at makipagdebate ayon sa pangangailangan tungkol sa anumang gawain na ginagawa sa loob ng iglesia—tulad ng kung sino ang dapat paalisin o ang naganap na mga partikular pangyayari—pero hindi ito dapat ibahagi sa mga walang pananampalataya, at hindi ito puwedeng mapag-usapan kasama ng mga walang pananampalatayang kapamilya. Partikular, ang personal at pampamilyang sitwasyon ng mga bagong kapatid na may mababang tayog ay hindi dapat na isiwalat sa mga tagalabas. Kung mahirap para sa iyo na itago ito sa sarili mo, dapat kang manalangin sa Diyos at sumandig sa Kanya para matutunan ang pagpipigil sa sarili, at humayo’t magsagawa ng ilang makabuluhang gawain. Kung talagang hindi mo makontrol ang sarili mo, dapat ka munang mag-ulat sa iglesia para humingi ng solusyon, para maiwasan ang masasamang kahihinatnan, dahil ang pagpapakalat ng gayong impormasyon ay pinakaposibleng magdulot ng mga problema. Halimbawa, ang mga personal na numero ng telepono, adres ng tirahan, kung ilang taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos, personal na kalagayan ng pamilya at mag-asawa, at iba pa, ay mga sensitibong paksa. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan o buhay pagpasok; tumutukoy ito sa personal na pribasiya. Ang mga ahente at tiktik lang ang partikular na nag-iimbestiga sa mga usaping ito. Kung nasisiyahan kang mag-aral tungkol sa at magpalaganap ng gayong mga usapin, anong uri ng disposisyon ang ipinapakita nito? Medyo ubod ng sama ito! Ang hindi paghahangad sa katotohanan, pero pagtuon sa tsismis, kumikilos bilang tiktik o espiya at nagseserbisyo sa malaking pulang dragon—hindi ba’t ubod ng sama at kasuklam-suklam ito? Sinumang partikular na nagtatanong, nag-iimbestiga, at walang-ingat na nagpapalaganap ng mga sensitibong paksa at pribadong pangyayari ng iba ay nagkikimkim ng mga natatagong motibo at isang hindi mananampalataya. Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na maging lalong maingat sa gayong mga indibidwal. Kung hindi magsisisi ang gayong mga tao, dapat matigil ang kanilang buhay-iglesia, dahil ang pagkakanulo sa mga kapatid ay ang pinaka-imoral, kasuklam-suklam, at kahiya-hiyang pagkilos. Dapat iwasan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang gayong mga indibidwal. Sa buhay-iglesia, dapat pigilan ang mga tao sa pagtatanong tungkol sa o pag-usapan ang mga usaping ito, dahil wala itong kinalaman sa pagbabahaginan ng katotohanan, at ang pagtalakay tungkol sa mga ito ay hindi magdadala ng anumang kapakinabangan sa iba.
Ang sambahayan ng Diyos ay may iba't ibang atas administratibo at regulasyon na dapat sundin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga usapin tulad ng mga panloob na mga pangyayari sa iglesia, mga pag-aayos sa mga lider at mga manggagawa, ang gawain ng paglilinis ng iglesia, at ang mga pagsasaayos mula sa Itaas, at iba pa, ay hindi dapat kaswal na ipinalalaganap sa loob ng iglesia para maiwasan na ang mga ito ay maipagkanulo kay Satanas ng mga hindi mananampalataya at masasamang tao. Dahil ito sa iba ang sambahayan ng Diyos sa lipunan; hinihingi ng Diyos na hangarin ng mga tao ang katotohanan, mas basahin pa ang mga salita ng Diyos, higit pang magnilay at makipagbahaginan. Tanging ang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos at pagpapatotoo sa Diyos ang makabubuo ng tamang atmospera; tanging ang pagbabahagi ng mas maraming patotoong batay sa karanasan ang makabubuo sa gayong atmospera. Bukod pa rito, maraming bagong mananampalataya sa sambahayan ng Diyos na saglit pa lang nananampalataya sa Diyos. Hindi maiiwasan na may mga hindi mananampalataya na hindi pa nalalantad. Sa partikular, ang unang lima o sampung taon ng pananampalataya ay ang panahon para sa pagbubunyag ng tunay na sarili ng mga tao; sa panahong ito, hindi pa tiyak kung sino ang makapaninindigan at kung sino ang hindi, o kung gaano karaming masamang tao na may kakayahang guluhin ang iglesia ang umiiral pa rin. Ang palaging walang ingat na pagpapalaganap ng personal na impormasyon at gayong mga panlabas na pangyayari, pati na rin ang mga usaping hindi nauugnay sa pagbabahagi ng katotohanan, ay puwedeng magdulot ng maraming masamang kahihinatnan. Halimbawa, puwedeng magtanong ang isang tao, “Saan galing ang isang partikular na lider? Saan siya nakatira?” Ang sensitibong impormasyong ito ay hindi kailangang malaman ng hinirang na mga tao ng Diyos. May iba pang puwedeng magtanong, “Magkano ang halaga para ipalimbag ang isang aklat ng mga salita ng Diyos?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ito? (Hindi.) May kinalaman ba sa iyo ang gastos sa paglilimbag? Siningil ka ba para dito? Parang wala naman itong kinalaman sa iyo, tama? Puwedeng magtanong ang ilan, “Sino ang mga nakatataas na lider sa sambahayan ng Diyos ngayon?” Kung hindi ka naman nila direktang pinamumunuan, makaaapekto ba sa iyo ang pag-alam nito? (Wala.) Sa kalakhang Tsina, ang pag-alam ng mga ganitong bagay ay puwedeng magdulot ng problema. Kung mahuli ng malaking pulang dragon at isailalim sa matinding pagpapahirap, kung hindi mo alam ang mga bagay na ito, kahit gaano man ka nila bugbugin, wala kang anumang maisisiwalat, at hindi ka magiging isang Judas. Pero kung alam mo at hindi mo makayanang tiisin ang matinding pambubugbog nila sa iyo, puwede kang mauwi sa pagsasalita, nagiging isang Judas. Sa sandaling iyon, maaaring maisip mo, “Bakit ko walang-ingat na tinanong ang mga iyon noon? Magiging mas mabuti sana kung wala akong alam. Kahit na binugbog pa hanggang mamatay, magiging ignorante pa rin ako sa mga bagay na iyon; kahit ginusto ko pang mag-imbento ng mga sagot, hindi ako makabubuo ng anuman. Sa ganoong kaso, hindi ako magiging isang Judas. Nalaman ko na ang aking leksiyon ngayon; mas mabuti nang wala masyadong alam tungkol sa mga usaping walang kinalaman sa katotohanan. Ang pagtatanong tungkol sa gayong mga bagay ay walang kapakinabangan; mas mabuti nang walang alam.” At may ilan ding puwedeng magtanong, “Ilang pangkat ang naroroon sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng mga espesyalisadong gawain?” Anong pakialam mo roon? Gawin mo na lang ang anumang gawaing itinalaga sa iyo ng sarili mong pangkat. Ang hindi pag-alam dito ay hindi makaaapekto sa kakayahan mong gawin nang normal ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan sa iyong pananalig, o mamuhay ng buhay-iglesia; wala itong naaapektuhang anuman. Ang hindi pag-alam dito ay hindi humahadlang sa paghahangad mo ng katotohanan o pagkakamit ng kaligtasan bilang isang mananampalataya, kaya bakit pa magtatanong? “Karamihan ba sa mga kapatid ay mula sa mga urban na lugar o rural na lugar? Edukado ba sila o hindi?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ngayon kung galing silang lahat sa mga rural na lugar? At ano naman kung galing lahat sila sa mga lungsod? Wala itong kinalaman sa katotohanan. Puwedeng magtanong ang ilan, “Paano ipinalalaganap ngayon ang gawain ng ebanghelyo?” Ayos lang ang magtanong nang kaunti tungkol dito, pero may ilang tao, dala ng pagkamausisa, ang nagtatanong nang detalyado tungkol sa kung ilan eksakto ang mga bansa na naabot ng gawain ng ebanghelyo, na hindi naman kinakailangan. Kahit na alam nila ito, ano ang magiging epekto nito sa kanila? Anong kapakinabangan ang hatid ng pag-alam ng gayong mga detalye? Kung wala kang katotohanang realidad, patuloy kang hindi magkakaroon nito kahit na malaman mo; hindi talaga makatutulong ang kaalamang ito sa iyo para magawa ang iyong mga tungkulin nang maayos o makapagbibigay ng tulong sa iyong buhay pagpasok. Ayos lang na hindi magtanong tungkol sa mga pangkalahatang pangyayari; sa katunayan, mas mabuti pang hindi malaman ang mga ito. Ang masyadong maraming nalalaman ay isang pasanin. Kapag tumagas ang gayong impormasyon, nagiging isang problema at pagsalangsang ito. Hindi mabuti ang pag-alam sa mga bagay na ito: Mas marami kang nalalaman, mas maraming problema ang maidudulot nito. Alam niyong mga nakauunawa sa katotohanan kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin. Ang mga tao na magulo ang isip, na walang espiritwal na pang-unawa, ay nabibigong makita ang kaibahan sa pagitan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nagsasalita sila, nagsasalita lang ng puro kalokohan. Kaya, ang mga usaping ito ay hindi dapat iulat sa mga tao sa iglesia na hindi nakauunawa ng katotohanan. Ang pag-alam sa mga bagay na ito ay hindi naghahatid ng anumang kapakinabangan. Una, hindi makatutulong ang mga taong ito sa paglutas ng mga problema. Pangalawa, hindi nila kayang protektahan ang gawain ng iglesia. At pangatlo, hindi sila kinakailangan para magsalita nang mabuti tungkol sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay matuwid—may anuman bang pangangailangan para sa panlalangis at pambobola mula sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya na walang espiritwal na pang-unawa? Wala. Kahit na walang ni isang nilalang sa buong mundo ang sumusunod sa Diyos o sumasamba sa Kanya, mananatiling hindi nagbabago ang katayuan at diwa ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos, hindi magbabago magpakailanman, hindi mababago ng anumang alterasyon sa mga sitwasyon. Ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magbabago magpakailanman. Ito ay ang mga katotohanan na dapat maunawaan niyong mga nananampalataya sa Diyos. Iyong mga hindi nananampalataya at walang panampalataya ay nagsasalita at kumikilos nang hindi pinag-iiba ang mga tagaloob at mga tagalabas—kapaki-pakinabang ba sa gawain ng sambahayan ng Diyos kung masyado silang maraming nalalaman? Kailangan ba nilang malaman ang tungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila karapat-dapat sa kaalamang ito! Puwedeng magtanong ang ilan, “Lihim ba ang lahat ng usaping ito, at kaya hindi ito puwedeng malaman?” Matapos manampalataya sa Diyos hanggang sa puntong ito, iniisip ninyo ba na naglalaman ng mga lihim ang mga usaping ito? (Hindi.) Pero nagtataglay ng integridad at dignidad ang hinirang na mga tao ng Diyos; hindi sila dapat gawing paksa ng talakayan o kutyain ng mga walang pananampalataya. Ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid, bilang isang grupo man o mga indibidwal, ay lahat may dignidad; lahat sila ay positibo, at walang sinuman ang dapat magtangkang dungisan sila. Ang sinumang kumikilos sa paraang nagpapahintulot sa mga Satanas at diyablo na walang pakundangang dungisan at kaswal na siraan ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos, o siraan ang reputasyon ng mga kapatid, ay susumpain! Kaya, ganap na hindi pinahihintulutan ng iglesia ang pag-iral niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Kapag natukoy, dapat silang paalisin! Ang pamamaraang ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? (Oo.)
May ilang tao na lalong maingat at hindi padalus-dalos kapag sila ay nagsasalita, nakikipag-ugnayan, o nakikisalamuha sa mga kapatid, pero pagkauwi nila, nagiging madaldal sila, isinisiwalat ang lahat, maging ang mga personal na impormasyon ng mga kapatid, sa gayon ay nalalaman ng mga miyembro ng pamilya nila, mga walang pananampalataya na walang pananalig, at iyong mga nananampalataya lang sa pangalan ang maraming bagay tungkol sa mga pangyayari ng iglesia. Ang gayong uri ng tao ay isang tiktik, isang traydor—isang Judas—at eksaktong uri ng indibidwal na dapat paalisin ng iglesia. Mas matagal silang mananatili sa iglesia, mas maraming impormasyon ang malalaman nila tungkol sa mga kapatid, mas magsasagawa sila ng pagkakanulo, at mas maraming usapin doon ang masusunggaban ng mga walang pananampalataya para magamit bilang kalamangan at para sa paninirang-puri. Kung hindi ka natatakot na ipagkakanulo nila ang impormasyong ito sa mga walang pananampalataya, panatilihin mo sila; kung ayaw mong kumalat ang iyong personal na impormasyon at mga panloob na pangyayari ng iglesia mula sa bibig nila, dapat mong paalisin ang mga tiktik na ito sa lalong madaling panahon. Angkop ba ito? (Oo.) Hindi dapat pakitaan ng pagpapatawad ang gayong mga indibidwal; wala silang kinikimkim na mabuting layunin at wala rin silang anumang kabutihan. Paano maikukumpara ang gayong mga tao sa dalawang uring iyon ng mga tao na nauna nang nabanggit, iyong mga mahilig sa paghihiganti at iyong mga imoral at walang pagpipigil? Mas mabuti ba sila o mas masama? (Mas masama.) Puwedeng gawin din ng mga indibidwal na ito ang mga tungkulin nila, magsikap, at magtiis ng kaunting paghihirap; puwede silang makipagtulungan sa anumang ipinag-uutos ng sambahayan ng Diyos at hindi tumatanggi, pero may isang problema: Isinisiwalat nila ang lahat tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya. Ginagampanan nila ang papel ng isang traydor, isang tiktik, araw-araw. Dahil lang dito, hindi sila kayang pagtimpian ng iglesia at dapat silang paalisin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Masaya man sila o hindi sa iglesia, sinuman ang kumakanti sa kanila, sinuman ang nakakasundo nila, inihalal man sila bilang mga lider ng iglesia o tinanggal—anuman ang mangyari, palagi nilang ibinabahagi ang bawat detalye sa mga walang pananampalatayang kapamilya nila. Tinitiyak nila na kaagad na naipaaalam ito sa mga walang pananampalatayang kapamilya at mga walang pananampalataya at na kaagad na naaarok ng mga ito ang panloob na sitwasyon ng iglesia. Para sa gayong mga indibidwal, hindi mo sila dapat pagpakitaan ng anumang pagpapatawad o anumang awa; kapag natuklasan ang isa, agad siyang paalisin. Kumusta ang ganitong pamamaraan? (Naaangkop.) Malupit ba ang paggawa nito sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi ito pagiging malupit. Tinatrato mo sila bilang mga kapatid, pero hinding-hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga interes ng mga kapatid. Sa halip, ipinagkakanulo nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid sa bawat pagkakataon. Tinuturing mo sila bilang pamilya, pero tinuturing ka ba nilang pamilya? (Hindi.) Kaya huwag mo silang pakitaan ng pagpapatawad; kung kailangan silang paalisin, paalisin sila. Hanggang sa puntong ito, may nakatagpo ka na bang gayong mga indibidwal? (Oo. Ibinahagi nila ang lahat tungkol sa mga kapatid sa kanilang mga kapamilya, at minsan ay ipinaaalam din nila sa kapamilya nila ang tungkol sa mga partikular na usapin at partikular na mga pagsasaayos sa loob ng iglesia sa unang pagkakataon. Pagkatapos ay nag-iipon ng bala ang mga kapamilya nila para pag-tsismisan ang tungkol sa iglesia sa likod nito.) Napaalis na ba ang mga indibidwal na ito? (Oo.) Matapos silang mapaalis, nagreklamo ba sila? Puwedeng maramdaman nilang hindi ito patas, iniisip, “Wala akong ginawang anuman; hindi ito lumalabag sa mga atas administratibo, ni hindi ako nagdulot ng mga kaguluhan o paggambala, kaya bakit ako pinaalis?” Sa palagay ninyo ba ay mas malala ang kalikasan ng mga pagkilos nila kaysa sa pagdudulot ng mga kaguluhan at paggambala? (Oo.) Matutubos ba ang gayong mga tao? Madali ba para sa kanila ang magbago? (Hindi.) Bakit mo nasabing hindi ito magiging madali? Anong aspekto ang nagpapakita na mahirap para sa kanila ang magbago? (Hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, hindi sila mga kapatid; ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya.) Ito ang diwa nila. Kaya, paano mo masasabi na sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Anumang emosyon ang mayroon sila sa iglesia, inilalabas nila ito sa kanilang pamilya, nagpapakita na anuman ang mangyari, hindi nila tinatanggap ito mula sa Diyos, at lalong hindi sila natututo ng anumang aral. Ang gayong mga tao ay hindi nakararanas ng gawain ng Diyos at hindi tumatanggap sa katotohanan, kaya ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya.) Itong diwa nila ay ginawa nang malinaw. Inilalabas nila ang mga emosyon nila sa kanilang pamilya at tinatrato ang lahat ng bagay batay sa mga emosyon nila. Paano mo masasabi na hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, kundi mga walang pananampalataya na sumalisi sa sambahayan ng Diyos? (Dahil kaya nilang ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kumikilos bilang mga traydor at tiktik at dahil pundamental na hindi sila mga tao na pumuprotekta sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang mga indibidwal na ito ay walang iisang puso sa sambahayan ng Diyos.) Hindi akma ang paliwanag na ito. Hayaan mo Akong magpaliwanag. Bagaman lumalahok ang mga taong ito sa buhay-iglesia at ginawa ang tungkulin nila, kailanman ba ay itinuring nilang pamilya ang mga kapatid? Sa simpleng salita, tinuring ba nilang kapatid ang mga ito? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang tingin nila sa mga kapatid? (Mga tagalabas.) Tama, bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban. Kung ganoon, ano ang tingin nila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia? Hindi ba’t lugar ng trabaho lang ito para sa kanila? (Oo.) Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang mga kompanya o organisasyon sa mundo ng mga walang pananampalataya, tinitingnan ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang iyong mga taong dapat bantayan, bilang mga kalaban. Kaya, madali para sa kanila na ibunyag ang iba’t ibang uri ng impormasyon at iba’t ibang aktuwal na sitwasyon ng mga kapatid sa mga taong pundamental na hindi nananampalataya sa Diyos. Alam nilang walang sasabihing mabuti ang mga walang pananampalatayang ito, at puwede pa nga nilang siraan ang mga kapatid, at siraan ang sambahayan ng Diyos—alam nila ang lahat ng ito, subalit walang-ingat pa rin nilang ibinubunyag ang mga sitwasyon ng mga kapatid at ng iglesia sa mga walang pananampalatayang ito nang walang pag-aalinlangan. Malinaw na tinitingnan nila ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban, at tuwing may nangyayaring di-kasiya-siya, mabilis silang nakikipagsanib-puwersa sa mga walang pananampalataya para kutyain, siraan, at kumilos laban sa mga kapatid sa likod ng mga ito, sa gayon ay natutugunan ang mga sarili nilang pagnanais. Pakiramdam nila na hindi puwedeng husgahan ang sinumang kapatid sa loob ng iglesia dahil kung tatalakayin nila ang mga usapin ng iglesia o mga kapatid sa harap mismo ng mga kapatid, pakiramdam nila ay kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan, na hindi magiging paborable para sa kanila. Pero ang pagtalakay ng mga usaping ito sa pamilya nila ay ganap na nakatutugon sa sarili nilang kapusukan, mga pagnanais, at mga emosyon, nang hindi kinakailangang pasanin ang anumang kahihinatnan, dahil ang pamilya, kung tutuusin, ay pamilya, na hindi sila ipagkakanulo. Gayumpaman, hindi ito katulad sa mga kapatid, na puwedeng mag-ulat sa kanila, maglantad sa kanila, at pungusan sila, at maaaring maging dahilan para mawalan sila ng tungkulin at posisyon anumang oras o lugar. Kaya, hindi mali na sabihing itinuturing nila ang mga kapatid bilang mga kalaban nila. Ang isang kalaban ay isang taong dapat nilang bantayan. Kaya, hindi sila nakikipag-usap sa mga kapatid, hindi nakikipagbahaginan sa mga ito o naglalantad ng anuman sa mga ito. Sa halip, sila ay “namumuhay ng buhay-iglesia” kasama ng mga walang pananampalatayang kapamilya sa bahay, kung saan ibinabahagi nila ang lahat at ibinubuhos ang nasa puso nila. Walang pasubali nilang ipinahahayag ang kanilang mga iniisip, opinyon, hinanakit, pagkadismaya, at lahat ng baluktot nilang pananaw nang wala talagang anumang pag-aalinlangan, at nakararamdam sila ng ginhawa at kasiyahan sa paggawa nito. Hindi sila hinahamak ng mga kapamilya nila kundi sa halip ay tinutulungan at nakikipagtulungan sa kanila. Kung ganito sila magsasalita sa iglesia, ganap na malalantad ang tunay nilang kalikasan bilang mga hindi mananampalataya, at kakailanganin silang paalisin ng iglesia. Kaya, hindi nila tinitingnan ang mga kapatid bilang pamilya kundi bilang mga kalaban. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay hindi nila kailanman inisip ang sarili nila bilang bahagi ng iglesia, kaya anumang mangyari sa iglesia, paninirang puri o panlalapastangan man ito ng relihiyosong komunidad, mga walang basehang tsismis at pangungutya mula sa mga walang pananampalataya, o pamamaratang at pag-uusig ng pambansang pamahalaan, personal na wala itong kinalaman at kabuluhan sa kanila. Ipagpalagay na ganito talaga ang nararamdaman nila: “Kung masira ang imahe ng iglesia at malapastangan ang ngalan ng Diyos, ang dignidad natin bilang mga mananampalataya ay seryosong hinahamon. Dahil dito, hinding-hindi ko tatalakayin ang mga usapin ng iglesia o mga pangyayari ng sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, hinahayaan ang mga itong pagtsismisan at pagtawanan ang tungkol dito. Hindi maging para protektahan ang sarili ko kaswal akong magsasalita ng tungkol sa mga pangyayari ng sambahayan ng Diyos kasama ng aking mga walang pananampalatayang kapamilya”—kung mayroon silang gayong kamalayan, hindi ba’t magagawa nilang kontrolin ang dila nila? Bakit hindi nila ito magawa? Malinaw na hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang mga mananampalataya. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama ang iyong mga salita. Kung hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, bakit dumadalo pa rin sila sa mga pagtitipon?” Sa mga nananampalataya sa Diyos, may iba’t ibang uri ng tao. Hindi ba’t napagbahaginan na natin ito noon? Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos nang may iba’t ibang di-tamang motibo at pakay, at ito ay isa sa gayong uri. Ang pananampalataya sa Diyos para sa katuwaan, para malibang, o para makahanap ng espirituwal na pagkain—hindi ba’t karaniwan ang gayong mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t matatagpuan ang gayong mga tao nang maramihan? (Oo.) Hindi man lang nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos. Siyempre, wala silang pakialam sa mga gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos na gumagawa ng mga tungkulin nila, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kaya, kaswal at magaan silang nakapagsasalita tungkol sa sitwasyon ng gawain ng iglesia, sa panloob na pangyayari ng iglesia, at maging sa anumang isyu na nangyayari sa mga kapatid, sa mga walang pananampalataya. Pagkatapos nilang magsalita, ang mga walang pananampalataya ay nagsisimulang tsumismis, manira, at mangutya, pero wala itong kahit kaunting epekto sa kanila. Baka nga makisali pa sila sa mga walang mananampalataya sa pagsasalita ng masama laban sa mga kapatid, sa panghuhusga sa sambahayan ng Diyos, at sa pagkokomento sa gawain at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Tunay ba silang mga mananampalataya ng Diyos? (Hindi.) Hindi kailanman kikilos nang ganito ang isang tunay na mananampalataya. Kahit pa para ito sa kapakanan ng pagprotekta sa sarili niyang dignidad at mga interes, hindi niya kailanman kakagatin ang kamay na nagpapakain sa kanya at papanig sa iyong mga nasa labas ng iglesia. Hindi ba’t ganito ito? (Oo.) Kaya, ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, na dapat paalisin. Mas maagang mapapaalis ang mga ito, mas mabilis na magkakaroon ng kapayapaan ang iglesia.
Pag-usapan natin ang tungkol sa inyong sarili. Halimbawa, kung hindi nananampalataya sa Diyos ang iyong mga magulang, o kung hindi nananampalataya sa Diyos ang iyong mga kapatid o matatalik na kaibigan, pero hindi nila sinasalungat ang pananampalataya mo at medyo sinusuportahan pa nga ito, sasabihin mo ba sa kanila ang lahat ng nangyayari sa iglesia? Ipagpalagay na ang isa sa mga kaibigan mo ang nagtanong, “May mga lalaki ba sa inyong iglesia na naghahanap ng makakapareha? Mayroon bang sinuman na partikular na taos-puso, at matangkad, mayaman, at guwapo?” May ilang disenteng tao sa mga walang pananampalataya na gusto ring makahanap ng isang disenteng makakapareha para makasama nila sa buhay. Gusto ng kaibigan mong makahanap ng isang taong nananampalataya sa Diyos, kaya handa ka bang sabihin ito sa kanya? (Hindi.) Dapat mong sabihin sa kanya, “Walang silbi ang pagkagiliw mo sa mga mananampalataya. Isa kang walang pananampalataya at pundamental na hindi ka tugma sa mga mananampalataya. Wala kayong pinagsasaluhang lengguwahe; magkaibang landas ang tinatahak ninyo! Tignan mo ang sarili mo, nakadamit ng napakatingkad—sinong kapatid sa aming iglesia ang magkakagusto sa iyo?” Hindi mataas ang tingin mo sa kanya, kaya makakausap mo ba siya tungkol sa mga usapin ng iglesia? (Hindi.) Ilang salita pa lang at masisira ang usapan dahil sa ganap na magkakaibang pananaw. Kahit pa may mabuting impresyon ang ilang walang pananampalataya sa mga mananampalataya, at kahit pa napanatili nila ang pagkakaibigan nila sa iyo matapos kang maging isang mananampalataya, magiging handa ka bang ibahagi sa kanila ang mga panloob na pangyayari sa iglesia o ang mga paghihirap na nararanasan mo sa paggawa ng iyong tungkulin? (Hindi.) Kahit sinusuportahan pa nila ang pananampalataya mo sa Diyos, ano ang silbi na talakayin sa kanila ang mga usapin ng iglesia? Halimbawa, may ilang kapatid na napagtiisan ang pagpapahirap at interogasyon ng malaking pulang dragon nang hindi nagiging mga Hudas. Isa itong patotoo na hinahangaan maging ng mga walang pananampalataya—magiging handa ka bang ibahagi ito sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi ka magiging handang talakayin ito? (Ang gayong mga usapin ay hindi mahalaga sa kanila, at hindi nila mauunawaan ang mga patotoo.) Hindi sila makauunawa. Anong mga negatibong epekto ang puwedeng idulot ng pagtalakay sa mga usaping ito? (Puwedeng mauwi sila sa paghuhusga sa iglesia.) Manghuhusga sila: “Bakit pinahihirapan ninyo ang sarili ninyo nang ganito? Bakit sumasalungat kayo sa pambansang pamahalaan?” Tingnan mo, sa isang komento lang ay puwede nilang ilantad ang kalikasan nila. Paano masasabing pagsalungat ito sa pambansang pamahalaan? Malinaw na ang diyablong hari na namumuno sa bansa ay labis na pumipinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, iniiwan silang walang paraan para mabuhay. Kahit kapag nasasaksihan nila ito, nagkukunwari silang hindi nila ito alam. Malinaw na nagsasalita sila sa paraang binabaligtad ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan. Ano pa ba ang puwede mong talakayin sa kanila? Hindi mo sila puwedeng kausapin ng tungkol sa anumang nauugnay sa pananalig sa Diyos; hindi mo puwedeng ipaalam sa kanila ang anumang tungkol dito. Iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila ay kayang sabihin ang lahat ng bagay sa mga walang pananampalataya. Halatang mga hindi mananampalataya sila; sila ay mga diyablo na nagpupunta sa sambahayan ng Diyos para magpabasta-basta lang, mga hayop na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila na walang anumang konsensiya o katwiran. Para sa kanila, ang anumang pinsala sa mga interes o reputasyon ng sambahayan ng Diyos o ng iglesia ay hindi talaga nakaapekto sa kanila, hindi nakaaapekto sa anumang interes nila, at wala silang nararamdamang kahit katiting na kalungkutan; kaya, walang-ingat silang nakapagsasalita ng tungkol sa mga panloob na pangyayari ng iglesia sa mga walang pananampalataya at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Hindi ba't nakamumuhi ang gayong mga tao? (Oo!) Kaya ba ng isang hindi mananampalataya, na hindi itinuturing ang mga kapatid bilang pamilya pero itinuturing ang mga walang pananampalataya bilang pamilya nila, na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba nilang tanggapin na ang Diyos ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba ng isang tao na hindi itinuturing ang sarili niya bilang miyembro ng iglesia, kapag naririnig ang mga salita ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na isantabi ang sarili niyang mga interes para hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Ang mga pang-araw-araw na gawain niya ay binubuo lang ng pagkakanulo sa mga interes ng iglesia, pagkampi sa mga tagalabas, at pagsisilbing tiktik, Hudas, at traydor, na para bang misyon niya ito. Hindi siya tumatahak sa tamang landas kundi nabubuhay para gumawa ng kasamaan; nararapat siyang mamatay at sumpain! Ang mga Hudas, traydor, at lingkod ni Satanas na ito na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila ay mga negatibong kawawa, nakapipinsala sila sa sangkatauhan, at kinamumuhian sila ng lahat. Kaya, hindi ba’t lubos na nararapat para sa iglesia na pangasiwaan sila at paalisin sila? (Oo.) Lubos itong nararapat! Ayaw ba ninyong mapagkanulo? Kung ipinagkanulo ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, puwedeng hindi masyadong makasimpatiya o malungkot ang karamihan; makararamdam lang sila ng kaunting pagkabalisa sa loob dahil, kung tutuusin, bahagi sila nito. Pero paano kung ipinagkanulo ka ng isang tao sa iglesia sa mga walang pananampalataya, at dahil sa pagkakanulo nila sa iyo, ang mga walang pananampalataya ay binaluktot ang mga katunayan, siniraan, kinutya, hinusgahan, at kinondena ka? Ano ang mararamdaman mo noon? Hindi ba’t mararanasan mo ang pagkapahiya at kahihiyang dinanas ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Mula sa pananaw na ito, angkop ba na paalisin ang gayong mga indibidwal? (Oo.) Dapat silang paalisin; hindi sila kailangang pagpakitaan ng pagpapatawad. Tungkol sa mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila, batay sa iba’t ibang pagpapamalas kung paano sila namumuhay bilang isang tao at kung ano ang isinasabuhay nila, sila ay mga hindi mananampalataya sa loob ng iglesia, isang uri ng masamang tao na dapat paalisin. Palihim o hayagan man ang pagkilos nila, kapag natuklasan na hindi kaya ng isang tao na kontrolin ang dila niya at ang pagkataong diwa niya ay sa isang ganap na hindi mananampalataya, dapat siyang kaagad na iulat sa mga lider at manggagawa, at ipaalam sa mga kapatid. Dapat magawa ang maagap at tumpak na pagkilatis sa gayong mga indibidwal, at dapat silang paalisin mula sa iglesia sa lalong madaling panahon. Huwag silang hayaan na makisangkot sa iglesia, sa gawain nito, o sa mga kapatid; ang ganap na pagpapaalis sa kanila ang tamang pagkilos. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa pagpapamalas na ito ng pagkatao—ang kawalang kakayahang kontrolin ang sariling dila.
Masasabi bang mas malalalang kaso ang tatlong uri ng tao na napagbahaginan ngayon kaysa sa dalawang uri na nauna nang tinalakay? (Oo.) Mas malala ang mga kalagayan nila, mas ubod ng sama at mas kasuklam-suklam ang pagkatao nila, at mas malaki ang pinsala at epekto nila sa mga interes ng iglesia at ng mga kapatid. Kaya, huwag maliitin ang tatlong uri ng taong ito; dapat silang bantayan nang mabuti at huwag palayawin. Kung matukoy ang sinuman bilang isa sa tatlong uri na ito, dapat silang malantad at mapaalis kaagad, at pagkatapos ay matapon sa lalong madaling panahon. Kung gumagawa sila ng mahalagang tungkulin, maghanap kaagad ng isang taong aako sa tungkulin nila, at pagkatapos ay tanggalin sila sa tungkulin iyon at paalisin sila. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Ang iba't ibang kalagayan ng mga kapatid sa iglesia, ang iba’t iba nilang pagpapamalas sa iba't ibang panahon, ang gawain ng iglesia, at maging ang ilan sa mga panloob na pangyayari nito ay pinahihintulutan lang na mapag-usapan at mapagbahaginan sa mga kapatid. Ito ay para bigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng mas malinaw na mga pang-uunawa at pananaw sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa gayon ay nakakamit nila ang kakayahang kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, dapat maging malinaw ang isang prinsipyo: Maging ito man ay mga katotohanan o mga prinsipyo kaugnay sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, o mga regulasyon para sa mga pangkalahatang gawain, ganap na hindi ito pinahihintulutang sabihin sa mga walang pananampalataya, na magreresulta sa pagkokomento at paninisi ng mga walang pananampalataya. Ganap itong ipinagbabawal. Puwedeng sabihin ng ilan, “Kung ganap itong ipinagbabawal, ibig sabihin ba na ito ay isang atas administratibo?” Puwedeng sabihin ito nang ganito; sinumang magtagas ng impormasyon ay magpapasan ng mga kaukulang kahihinatnan. Bakit kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan? Dahil iyong mga nagtatagas ng mga panloob na usapin ng iglesia ay hindi pumuprotekta sa iglesia o mga kapatid, at kaya nilang madaling ipagkanulo ang iglesia at ang mga kapatid. Dahil kumikilos sila bilang mga traydor at mga Hudas, hindi na sila dapat pakitaan ng pagpapatawad o ituring bilang mga kapatid o pamilya. Dapat silang itapon bilang mga traydor at mga Hudas at dapat direktang paalisin sa iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Dati ay may masama akong ugali na pagiging madaldal, mahilig magsalita nang walang ingat. Ngayon na nakita ko na ang kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, hindi na ako nangangahas na magsalita nang walang ingat.” Mabuti. Dahil sinabi mo ito, pagmamasdan ang iyong pag-uugali. Kung tunay kang nagbago at nagbalik-loob, hindi na walang-ingat na nagpapasa ng impormasyon o nagkakanulo sa mga interes ng mga kapatid, at kayang kontrolin ang dila mo, bibigyan ka ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kung muling matutuklasan na ginawa mo ito, na nagkalat ka ng ilang impormasyon, hindi ka pakikitaan ng anumang pagpapatawad—magkakaisa ang mga kapatid sa iglesia para paalisin ka. Kapag nangyari iyon, huwag kang umiyak o magreklamo na hindi ka binalaan nang maaga. Ngayong naipaliwanag na ang mga bagay-bagay nang malinaw, kung mangyari ulit ito, ang sambahayan ng Diyos ay ganap na hindi magiging mapagpatawad. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Kung makita ninyo ang sinuman na hindi nakauunawa, ipaliwanag mo ito sa kanila; bigyan sila ng mga paalala gamit ang mga napagbahaginan natin ngayon. Kung mapansin ninyo ang sinuman na nagpapakita ng mga palatandaan ng ganitong pag-uugali o sinumang kumilos nang ganito dati, makipag-usap sa kanila, bigyan sila ng babala, at ipaalam sa kanila ang kalikasan at kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, pati na ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga usapin at taong ito. Pagkatapos mabigyang-linaw ang mga bagay-bagay, pagmasdan sila para makita kung kaya nilang magsisisi at ano ang gagawin nila sa hinaharap. Kung magbabago sila at hindi na muling kikilos sa gayong paraan, puwede silang tanggapin muli at tratuhin bilang mga kapatid. Pero kung mananatili silang matigas ang ulo na hindi magsisisi at patuloy na palihim na kikilos nang, paalisin mo sila kapag nakakita ka ng gayong tao. Kung makakakita ka ng dalawa, paalisin silang dalawa; kung makakakita ka ng isang grupo, paalisin ang buong grupong ito. Huwag mo silang pakitaan ng anumang pagpapatawad. Tinatanong ng ilang tao, “Puwede ko bang kausapin ang mga kapamilya ko na dating nanampalataya pero napaalis na?” Mukhang hindi nadadalian iyong mga mahilig dumada nang dumada at tsumismis na kontrolin ang sarili nila, palaging matigas ang ulo na nagtatanong kung pinahihintulutan ito. Ano sa tingin ninyo, pinahihintulutan ba ito? (Hindi.) Hindi pinahihintulutan na magsalita sa sinuman, dahil madali itong humantong sa mga kahihinatnan. Ang gayong mga tao ay dapat itapon bilang mga Hudas. Iyong mga walang pananampalataya, iyong mga napaalis na, iyong malalapit sa iyo, iyong mga pinagkakatiwalaan mo, iyong mga sumusuporta sa pananampalataya mo sa Diyos, iyong may mga paborableng impresyon sa pananampalataya sa Diyos, at iyong mga nominal na nananampalataya sa Diyos, na namumuhay lang ng buhay-iglesia at nagbabasa ng kaunting salita ng Diyos pero hindi gumagawa ng anumang tungkulin, ay hindi dapat kausapin—kapag ginawa ito ng isang tao, itatapon siya bilang Hudas. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Sino pa ang kabilang sa iyong mga hindi gumagawa ng tungkulin nila? Kasama ba ang mga karaniwang miyembro ng iglesia? (Oo.) Huwag kalimutan ang usaping ito; huwag maging hangal. Dapat ninyong arukin nang maayos ang mga prinsipyo. Huwag kayong magpatuloy sa pananampalataya para lang maging Hudas at ipagkanulo ang sambahayan ng Diyos sa huli, ipinagkakanulo ang mga kapatid nang hindi ninyo man lang namamalayan, at may pagmamalaki pa rito. Ang hindi magawang kontrolin ang sariling dila at ipagkanulo pa nga ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid ay isang mabigat na pagsasalangsang. Itinatala ng Diyos ang sinumang gumagawa ng gayong kasamaan. Ngayong malinaw na itong naipaliwanag sa iyo, at naunawaan mo na ito, kung gagawin mo ito ulit, hindi na ito simpleng pagsasalangsang; isa na itong paglabag sa atas administratibo, na ginagawa kang target sa pagpapaalis, at mapagkakaitan ka ng karapatan sa kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Nauunawaan.)
Disyembre 11, 2021