Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 23

Ikalabing-apat na Aytem: Kaagad na Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikalawang Bahagi)

Sa huling pagtitipon, nagbahagi tayo tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at mga manggagawa: “Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Sinaklaw ng pagbabahaginan ang isang aspekto nito: kung ano ang isang iglesia. Pagkatapos magbahagi tungkol sa depinisyon ng isang iglesia, malinaw na ba sa inyo ang relasyon sa pagitan nito at ng ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at mga manggagawa? (Pagkatapos magbahagi ng Diyos tungkol sa depinisyon ng isang iglesia, naunawaan natin kung bakit umiiral ang mga iglesia, ang papel na ginagampanan ng isang iglesia, at ang gawaing ginagawa ng isang iglesia. Batay rito, matutukoy natin kung sino ang mga tao sa iglesia na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at hindi gumaganap ng isang positibong papel, at pagkatapos ay paaalisin o ititiwalag ang mga taong ito.) Pagkatapos maunawaan kung ano ang isang iglesia, dapat malaman ng mga lider at manggagawa kung bakit itinatag ng Diyos ang mga iglesia, ang epekto ng pagtatayo ng mga iglesia sa mga tao, ang gawaing dapat gawin ng mga iglesia, ang mga uri ng mga tao na bumubuo sa isang iglesia, at aling mga tao ang mga totoong kapatid. Pagkatapos maunawaan at malaman ang mga bagay na ito, mayroon na kayong isang batayang konsepto at depinisyon, pati na rin ng isang pundasyon ng mga prinsipyo para sa gawaing binalangkas sa ikalabing-apat na responsabilidad: “Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o itiwalag ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Ito ay isang bagay na dapat maging malinaw sa inyo at nauunawaan ninyo pagdating sa teorya at pananaw. Pagkatapos maunawaan ito, ang unang gawaing dapat isakatuparan ng mga lider at manggagawa ay ang kilatisin ang lahat ng uri ng masasamang tao. Ano ang mga pamantayan at prinsipyo para sa paggawa nito? Ang pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao ay dapat na nakabatay sa depinisyon ng isang iglesia, ang kabuluhan at kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia, at ang gawaing itinatag ng Diyos para gawin ng mga iglesia. Noong nakaraan, ang mga pamantayan at batayan para sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng masasamang tao ay hinati sa tatlong pangunahing kategorya. Ano ang tatlong kategoryang ito? (Ang pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkatao ng isang tao, at ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin.) Sapat na bang partikular at komprehensibo ang tatlong pangunahing kategoryang ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Bakit hindi nakabatay ang pagkilatis sa lahat ng uri ng tao sa antas ng pagmamahal nila sa katotohanan, at sa antas ng pagpapasakop at pagkatakot nila sa Diyos, kundi batay sa pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, sa pagkatao nila, at sa saloobin nila sa kanilang tungkulin? Hindi ba’t napakababa ng mga pamantayang ito? Sa madaling sabi, batay sa partikular na nilalaman ng tatlong kategoryang ito, bakit walang mas malalimang pagtalakay tungkol sa saloobin ng mga tao sa Diyos at sa katotohanan? Bakit walang binanggit kung handa ba ang mga tao na tumanggap ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, kung mayroon ba silang puso na nagpapasakop at natatakot sa Diyos, at iba pang mas malalim na nilalaman na nauugnay sa katotohanan?” Kailanman ba ay pinag-isipan ninyo ang tungkol sa tanong na ito? Huwag na muna nating talakayin ang isyung ito sa ngayon. Tingnan muna natin ang tatlong pamantayan: ang pakay ng tao sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkatao nila, at ang saloobin nila sa kanilang tungkulin. Batay sa mga pamagat ng mga ito, mababaw ba o hindi ang tatlong pamantayang ito? Kung ang isang tao ay hindi nakasapat pagdating sa tatlong pinakabatayang pamantayang ito, matatawag ba siyang kapatid? (Hindi.) Maituturing ba siyang isang miyembro ng iglesia? Maaari ba siyang kilalanin ng Diyos bilang bahagi ng iglesia? (Hindi.) Wala sa mga bagay na ito ang posible para sa kanya. Kaya, kung ang isang tao ay kulang o mababa sa pamantayan pagdating sa lahat ng tatlong pamantayang ito, dapat makilatis ang gayong mga indibidwal; nabibilang sila sa mga hanay ng iba’t ibang uri ng masasamang tao, at dapat silang paalisin o itiwalag. Kung ang isang tao man ay isang kapatid, kinikilala ng Diyos, o isang miyembro na dapat tanggapin ng iglesia, ay nakadepende kahit papaano sa kung siya ay nakasapat at nakapasa pagdating sa tatlong pamantayang ito. Kung hindi man lang niya matugunan ang tatlong pamantayang ito, tiyak na hindi siya isang kapatid. Natural na hindi siya kinikilala ng Diyos, at hindi rin siya dapat tanggapin ng iglesia. Kaya, paano siya dapat tratuhin at pangasiwaan ng iglesia? (Dapat siyang paalisin o itiwalag.) Kapag nakilatis na siya, dapat siyang alisin o itiwalag. Ganoon talaga iyon.

Ang mga Pamantayan at Batayan para sa Pagtukoy sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

I. Batay sa Pakay ng Isang Tao sa Pananampalataya sa Diyos

D. Para Magsagawa ng Oportunismo

Sa huling pagtitipon, nagbahagi at nagtala tayo ng tatlong pakay para sa pananampalataya sa Diyos. Kung itatala natin ang mga ito bilang mga pamagat, ang una ay para matugunan ang pagnanais ng isang tao na maging isang opisyal; ang ikalawa ay para maghanap ng kasalungat na kasarian; at ang ikatlo ay para maiwasan ang mga sakuna. Natapos tayong magbahagi tungkol sa tatlong pakay na ito. Sunod ay magbabahagi tayo tungkol sa ikaapat na pakay: May ilang tao na nananampalataya sa Diyos dahil lang sa mga oportunistikong kadahilanan, kaya ang pamagat ng pakay na ito ay “para magsagawa ng oportunismo.” Nakikita ng ilang tao na ang lahat ng relihiyon at sekta sa relihiyosong mundo ay malungkot at walang gawain ng Banal na Espiritu—na nanlamig na ang pananalig at pagmamahal ng mga tao, na ang mga tao mismo ay lalong sumasama at hindi nakakikita ng pag-asa para sa kaligtasan, at na nanampalataya ang mga tao sa Panginoon sa loob ng maraming taon nang walang napapalang anuman. Dahil nakikita nilang ganap nang naging kaparangan ang relihiyosong mundo, naghahanap sila ng isang daan pasulong para sa sarili nila. Pinagmumuni-munihan nila, “Aling iglesia sa kasalukuyan ang may mas maraming miyembro, umuunlad, at may mga pagkakataon sa paglago?” Napag-alaman nila na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, na nilalabanan at kinokondena ng relihiyosong mundo, ay umuunlad, na mayroon itong gawain ng Banal na Espiritu, at na maayos itong lumalago sa loob at labas ng bansa. Iniisip nila, “Narinig ko na dumarami ang bilang ng mga miyembro ng iglesiang ito, na maayos itong lumalago, at na nagtataglay ito ng masaganang lakas-tao, mga materyal na pinagkukunang-yaman, at mga pinansiyal na pinagkukunang-yaman, at may mga pagkakataon sa paglago. Kung sasamantalahin ko ang magandang oportunidad na ito na sumali sa kanilang iglesia, hindi ba’t magkakamit ako ng ilang benepisyo? Hindi ba’t makakukuha ako ng magagandang pagkakataon para sa aking sarili?" Taglay ang gayong layunin at pakay, at kaunting pagkamausisa, sumasalisi ang mga taong ito sa iglesia. Pagkatapos sumalisi ng mga taong ito sa iglesia, hindi sila interesado sa katotohanan, sa pananampalataya sa Diyos, o sa pagbabago ng kanilang buhay disposisyon. Ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay para lang makahanap ng tagasuporta o ng isang lugar na matutuluyan at para makamit ang mga pagkakataong ninanais nila. Sa katunayan, sa kanilang puso, wala silang interes sa pananampalataya sa Diyos, sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, o sa gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos, at ayaw nilang marinig o hanapin ang tungkol sa mga bagay na ito. Sa partikular, ganap silang walang interes sa gawain ng Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong ito ay parang mga oportunista sa lipunan na, anumang industriya ang sinasalihan nila, ay ginagawa lang ito para makahanap ng mga oportunidad na magkamit ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at para gumawa lang ng mga pamumuhunan at magbayad ng halaga para sa kapakanan ng kanilang sariling mga pagkakataon at kapalaran. Sa sandaling matuklasan nila na kasalukuyang walang mga malinaw na pagkakataon sa larangan o industriyang pinagtutuunan nila, o na ang industriyang ito ay hindi nagpapahintulot sa kanilang ipakita ang kanilang mga kalakasan at umangat sa mundo, madalas nilang kinakalkula sa isipan nila kung magpapalit ba sila ng trabaho o lilipat ng industriya. Sa anumang ginagawa nila, ang gayong mga tao ay palaging naghihintay ng pagkakataon para gumawa ng isang hakbang; mayroon silang layunin at pakay na sumali sa iglesia. Kapag ang iglesia ay umuunlad, kapag nakapananatili itong matatag at may mga pagkakataon sa paglago sa lipunan o sa anumang bansa, aktibo at masigasig nilang itinutuon ang sarili nila sa gawain ng iglesia. Subalit kapag ang iglesia ay sinisiil at pinaghihigpitan, o hindi matugunan ang kanilang mga personal na pagnanais at mga hinihingi, pinag-iisipan nila kung lilisanin ba nila ang iglesia at maghahanap ng ibang daan pasulong para sa sarili nila. Malinaw na ang tunay na pakay ng mga taong ito sa pagsali sa iglesia ay hindi dahil interesado sila sa katotohanan; hindi sila sumali sa iglesia batay sa pagkilala sa pag-iral ng Diyos at sa bagong gawain ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao. Kahit kapag pumipili sila ng isang iglesia, pinipili nila ang isang kilala at malaking iglesia na may maraming miyembro, lalo na ang isang iglesia na may partikular na antas ng kabantugan sa loob at labas ng bansa. Para sa kanila, ang ganitong uri lang ng iglesia ang nakatutugon sa kanilang mga pamantayan at ganap na naaayon sa mga layong minimithi o hinahangad nila. Subalit anuman ang mangyari, hindi talaga sila kailanman naniwala sa katotohanan, ni hindi nila tunay na kinilala ang pag-iral ng Diyos o ang gawain ng Diyos. Kahit na lumalabas na minsan ay gumagawa sila ng isang bagay para sa iglesia o itinutuon ang sarili nila sa ilang bahagi ng gawain ng iglesia, sa kaibuturan ng kanilang puso, nananatiling hindi nagbabago ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Ano ang saloobin nila? Ang hindi nagbabago nilang saloobin ay ang sumunod lang muna sa ngayon, para makita kung ano talaga ang maaari nilang makamit mula sa iglesiang ito, para makita talaga kung gaano karami sa mga binigkas na salita ng Diyos ang magkakatotoo at kung hanggang saan, at para makita kung kailan makakamit ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa tao, at kung ang mga pagpapalang ito ay maaaring masaksihan at matupad sa loob ng maikling panahon. Ganito palagi ang saloobin nila. Nagtutungo sila sa sambahayan ng Diyos nang may pagkamausisa at pagnanais na subukan ito, at isang saloobin na kung matutupad at magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, tatanggap sila ng mga pagpapala at hindi mawawalan. Ang gayong mga tao ay nagtutungo sa sambahayan ng Diyos at, kahit na tila magiliw sila sa iba, sumusunod sa mga alituntunin, hindi nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo, at hindi gumagawa ng kalokohan, batay sa saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, makikilatis sila bilang mga halatang hindi mananampalataya.

Paano natin dapat kilatisin ang uri ng mga hindi mananampalataya na bilang mga oportunista ay nananampalataya sa Diyos para lamang mapagpapala, at walang kagustuhang makamtan ang katotohanan? Kahit gaano karaming sermon ang marinig nila, kahit paano ibahagi sa kanila ang katotohanan, hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao at bagay, ang pananaw nila sa buhay at mga pagpapahalaga nila. Bakit ganito? Dahil hindi nila kailanman pinagninilayan nang seryoso ang mga salita ng Diyos at ganap na hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o ang sinasabi ng Diyos tungkol sa iba’t ibang isyu. Kumakapit lang sila sa mga sariling pananaw nila at sa mga pilosopiya ni Satanas. Sa puso nila, naniniwala pa rin sila na tama at wasto ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas. Halimbawa, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Hindi pinapahirapan ng opisyales ang mga taong mahusay manlangis,” o “Payapa ang buhay ng mabubuti.” May mga nagsasabi pa, “Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos, dapat silang maging mabuti, ibig sabihin ay hindi kailanman pagkitil ng buhay; isang kasalanan ang kumitil ng buhay, at hindi ito mapapatawad ng Diyos.” Anong klaseng pananaw ito? Isa itong pananaw ng Budismo. Bagama’t maaaring akma ang pananaw ng Budismo sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, wala itong katotohanan. Dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos ang pananalig sa Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Sa pananalig nila sa Diyos, tinatanggap pa nga ng ilang tao ang mga katawa-tawang pananaw ng mga walang pananampalataya at ang mga maling teorya ng relihiyosong mundo bilang ang katotohanan, pinahahalagahan at pinanghahawakan nila ang mga ito. Tumatanggap ba sa katotohanan ang mga taong ito? Hindi nila mapag-iba ang mga salita ng tao at ang mga salita ng Diyos, o ang diyablo at Satanas at ang nag-iisang totoong Diyos, ang Lumikha. Hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan, hindi rin nila tinatanggap ang alinman sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao, sa mundo sa labas, at sa lahat ng ibang mga usapin. Kumakapit lang sila sa mga pananaw na dati na nilang pinanghahawakan, na nagmumula sa tradisyonal na kultura. Gaano man katawa-tawa ang mga pananaw na iyon, hindi nila ito nakikilatis, at pinanghahawakan pa rin nila ang mga maling pananaw na ito at hindi nila binibitawan ang mga ito. Ito ang isang pagpapamalas ng isang hindi mananampalataya. Ano ang isa pang pagpapamalas? Ito ay na nagbabago ang sigasig, damdamin, at pananalig nila habang lumalaki ang saklaw ng iglesia at habang patuloy na tumataas ang katayuan nito sa lipunan. Halimbawa, nang lumawak ang gawain ng iglesia sa ibang bansa at lumaki ang saklaw nito, nang lubos na lumaganap ang gawain ng ebanghelyo, nakita nila ito at agad silang sumigla. Naramdaman nila na lalong nagiging mas malakas ang impluwensiya ng iglesia at hindi na magdurusa sa pang-aapi at pang-uusig ng gobyerno. Naniniwala sila na may pag-asa ang pananampalataya nila sa Diyos, na pwede silang magmalaki; naramdaman nila na tama ang pagpusta nila, na magbubunga na sa wakas ang isinugal nila. Naramdaman nila na lalong nadaragdagan ang mga pagkakataon nila na makapagkamit ng mga pagpapala at nagsisimula na silang maging masaya sa wakas. Noong mga nakaraang taon, madalas nilang maramdaman ang pang-aapi, sakit, at dalamhati dahil madalas nilang makita ang mga pang-aaresto at panunupil ng malaking pulang dragon sa mga Kristiyano. Bakit sila nagdadalamhati? Dahil nasa kalunos-lunos na kalagayan ang iglesia, at nababahala sila kung tama ba ang naging desisyon nila na manampalataya sa Diyos, at higit pa roon, nababahala at naguguluhan sila kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. Sa mga taon na iyon, anuman ang mga mahirap na kalagayan na kinakaharap ng iglesia, may epekto ito sa mga emosyon nila; anumang gawain ang ginagawa ng iglesia at paano man magbago ang reputasyon at katayuan ng iglesia sa loob ng lipunan, nakakaapekto ito sa mga emosyon at lagay ng loob nila. Palaging sumasagi sa isipan nila ang tanong kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Kapag kinokondena at sinusupil ng pambansang pamahalaan ang iglesia, o kapag inaaresto o hinuhusgahan, kinokondena, sinisiraan, at itinatakwil ng relihiyosong komunidad ang mga mananampalataya, nakakaramdam sila ng matindi at labis-labis na kahihiyan na umanib sila sa iglesia; nag-aalinlangan ang puso nila at nagsisisi sila na nananampalataya sila sa Diyos at umanib sa iglesia. Wala silang intensyon kailanman na makibahagi sa mga kagalakan at paghihirap ng iglesia, o magdusa kasama ni Cristo. Sa halip, kapag umuunlad ang iglesia, mukha silang nag-uumapaw sa pananampalataya, pero kapag inuusig, itinatakwil, sinusupil, at kinokondena ang iglesia, gusto nilang tumakas, umalis. Kapag hindi sila makakita ng anumang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, o ng anumang pag-asa na lalawak ang ebanghelyo ng kaharian, lalo nilang gustong umalis. Kapag hindi nila nakikita na natutupad ang mga salita ng Diyos, at kapag hindi nila alam kung kailan darating ang malaking sakuna at kung kailan ito matatapos, o kung kailan maisasakatuparan ang kaharian ni Cristo, nag-aalinlangan sila at hindi nila magawa ang tungkulin nila nang payapa ang isipan. Sa tuwing nangyayari ito, gusto nilang iwanan ang Diyos, iwanan ang iglesia, at maghanap ng paraan para makalabas. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Para sa sariling interes ng kanilang laman ang bawat kilos nila. Hindi kailanman unti-unting magbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa pamamagitan ng pagdanas nila sa gawain ng Diyos, o pagbabasa ng Kanyang mga salita, pakikipagbahaginan sa katotohanan, at pamumuhay ng buhay iglesia. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, o hinahanap kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung paano ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o kung ano ang hinihingi Niya sa mga tao. Ang tanging pakay nila sa pag-anib sa iglesia ay maghintay sa araw na magiging “taas-noo” na ang iglesia, para makuha nila ang mga pakinabang na matagal na nilang ninanais. Siyempre, umanib din sila sa iglesia dahil nakita nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—pero ganap nilang hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matutupad ang lahat ng salita ng Diyos. Kaya ano ang masasabi ninyo, mga hindi mananampalataya ba ang mga gayong tao? (Oo.) Anuman ang mangyari sa iglesia o sa mundo sa labas, tinatantya nila kung gaano maaapektuhan ang mga interes nila, at kung gaano kalaki ang magiging epekto nito sa mga mithiing hinahangad nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, agad nilang iniisip, nang may napakatalas na isipan, ang sarili nilang mga inaasam, interes, at kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. May mga tao pa ngang tanong nang tanong, “Noong nakaraang taon, sinabi na magtatapos na ang gawain ng Diyos—kaya bakit nagpapatuloy pa ito? Anong taon ba eksaktong matatapos ang gawain ng Diyos? Wala ba akong karapatang malaman? Napakatagal ko nang nagtiis, mahalaga ang aking oras, mahalaga ang aking kabataan—siguro naman, hindi pwedeng paghihintayin mo ako nang ganito?” Partikular silang sensitibo sa kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos, sa sitwasyon ng iglesia, at sa katayuan at reputasyon nito. Wala silang pakialam kung makakamit ba nila ang katotohanan o kung maliligtas ba sila, kundi sensitibo sila sa kung mananatili ba silang buhay, at kung makakamit ba nila ang mga pakinabang at mga pagpapala kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos. Mga oportunista ang mga gayong tao sa pagnanais nila na mapagpala. Kahit pa maniwala sila hanggang sa wakas, hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan, at wala silang masasalaysay na anumang patotoong batay sa karanasan. May nakatagpo ka na bang mga ganitong tao? Sa katunayan, may mga ganitong tao sa bawat iglesia. Dapat maging masigasig kayo sa pagkilatis sa kanila. Pawang mga hindi mananampalataya ang mga gayong indibidwal, salot sila sa sambahayan ng Diyos, magdudulot sila ng malaking pinsala at hindi sila kapaki-pakinabang sa iglesia, at dapat silang alisin dito.

Ibuod natin ang mga katangian ng mga oportunista. Ang unang katangian nila ay na hindi nila masyadong sineseryoso ang usapin kung umiiral ba ang Diyos. Kung tatanungin mo sila kung umiiral ba ang Diyos, sasabihin nilang, “Siguro. Subalit ayos lang kung hindi siya umiiral. Narito lang ako para makita talaga kung matutupad ba o hindi ang mga propesiyang ginawa ng diyos, at kung darating ba o hindi ang malalaking sakuna.” Sa mga kaisipan at pananaw nila, ang saloobin nila ay na hindi mahalaga kung umiiral ba ang Diyos o hindi. Hindi ba’t katawa-tawa para sa kanila ang manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia kung gayon?" (Oo.) Ang pananalig nila sa Diyos ay isang simpleng pananampalataya, para itong isang laro, at wala itong kinalaman sa katotohanan o sa kanilang landas ng buhay. Wala talaga silang pakialam kung umiiral ba o hindi ang Diyos; ayos lang kung umiiral Siya, at ayos lang kung hindi Siya umiiral. Pinabubulaanan sila ng ilang tao, sinasabing hindi umiiral ang Diyos, at hindi sila nagagalit o namumuhi sa gayong mga tao. Kung sinasabi ng mga tao na umiiral ang Diyos, sinasabi ng mga ito na, “Kung umiiral Siya, umiiral Siya. Basta, kung nananampalataya ka, umiiral siya; kung hindi, hindi siya umiiral.” Ito ang pananaw ng mga ito. Ang gayong mga tao ba ay mga tunay na mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya, hindi ba? (Oo.) Walang kabuluhan sa kanila umiiral man o hindi ang Diyos, kaya’t may pagiging taos-puso ba sa kanilang pananampalataya sa Diyos? Hindi posibleng maging taos-puso sila. Ano ang unang katangian ng mga oportunistikong tao? (Hindi nila masyadong sineseryoso ang usapin kung umiiral ba ang Diyos.) Ito ang unang katangian.

Ano ang ikalawang katangian ng mga oportunistikong tao? Ito ay na hindi sila masyadong maingat sa pagkilatis sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Hindi nila kinikilatis kung aling mga kasabihan, tao, pangyayari, at bagay ang positibo at alin ang mga negatibo, at hindi nila ito sineseryoso. Para sa kanila, ang mabubuting bagay ay maaaring gawing masama, at ang masasamang bagay ay maaaring gawing mabuti, katulad lang ng kasabihan ng mga walang pananampalataya, “Ang isang kasinungalingang paulit-ulit na sinasabi ay nagiging katotohanan;” ang kasabihang ito ay totoo sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang katotohanan, tiyak na hindi nila sasabihin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan dahil hindi nila ito kinikilala. Ano ang sasabihin nila? Ang totoo nilang pananaw ay na ang isang kasinungalingang sinasabi ng isang libo o sampung libong beses ay magiging katotohanan, ibig sabihin na kung maraming tao ang magsasabi ng isang bagay, maniniwala silang totoo ito. Tulad ito ng kung paano sinasabi ng mga walang pananampalataya na: “Sa simula ay walang landas sa mundo, subalit habang mas maraming tao ang naglalakad, isang landas ang nabuo.” Wala silang pakialam tungkol sa kung ano ang tama o mali, makatarungan o buktot: naniniwala sila na tama ang sinumang may malaking abilidad, at negatibo ang sinumang walang silbi at walang kakayahan. Tiyak na hindi nila kikilalanin na ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay mga positibong bagay, ni hindi nila kikilalanin na ang hinihingi ng Diyos na isabuhay ng mga tao ay ang mga realidad ng mga positibong bagay. Magsasalita pa nga ang mga taong ito ng mga panlilinlang tulad ng, “Sinasabi mo na ang diyos ay ang katotohanan, at ang mga salita ng diyos ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ibig sabihin ba nito na walang mga positibong bagay sa mundo? Wala rin bang mga positibong bagay at katotohanan sa mundo?’ Hindi ba’t kalokohan ito? Hindi ba’t isa itong panlilinlang? (Oo.) Hindi ginagamit ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan para sa kanilang mga salita o pagkilos. Halimbawa, kapag nagpapahayag sila ng isang panlilinlang at pinasisinungalingan mo sila, sasabihin nilang, “Iniisip mong tama ka, at iniisip kong tama ako, kaya’t magkasundo tayo na hindi magkasundo. Anuman ang iniisip ng isang tao na mabuti, tama iyon.” Anong klaseng pananaw ito? Hindi ba’t pagtatangka lang itong pagtakpan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Ito ay isang hangal at magulong pananaw; ang mga taong ito ay hindi maingat pagdating sa pagkilatis sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagiging maingat tungkol dito? Ibig sabihin nito na hindi nila kayang kilalanin sa puso nila na ang lahat ng positibong bagay na sinasabi ng Diyos ay nauugnay sa katotohanan, ay alinsunod sa katotohanan, at nagmumula sa Diyos, at na ang mga negatibong bagay na sinasabi ng Diyos ay salungat sa katotohanan at nagmumula kay Satanas. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito at palaging gustong palabuin ang mga konsepto. Para maiwasang makilatis ng iba at makondena, hindi sila kailanman maingat sa pagkilatis sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, hindi nila kailanman inilalantad ang kanilang mga tunay na pananaw, at palagi silang nagsasalita nang malabo, hindi kailanman sinasabi sa mga tao kung ano talaga ang iniisip nila. Iba-ibang mga bagay ang sinasabi nila depende sa kung sino ang kausap nila, ganap na umaayon sa sitwasyon batay sa pangangailangan. Ang mga taong ito, sa lahat ng aspekto, ay hindi interesado sa katotohanan o sa pag-iral ng Diyos. Ito ang ikalawang pagpapamalas ng mga oportunistikong tao: Hindi sila masyadong maingat sa pagkilatis sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay.

Ano pang ibang mga katangian mayroon ang mga oportunistikong tao? Palaging pipiliin ng mga taong ito kung mananatili o aalis ba sila batay sa kung paano umuusad ang mga bagay-bagay, yamang partikular silang bihasa sa pag-angkop sa mga sitwasyon. Nang sumali sila sa iglesia, nakagawa na sila ng sapat na paghahanda para sa kanilang estratehiya sa pag-alis at sa kanilang mga kinabukasan, dahil pinlano na nila ang bawat hakbang. Sa kanilang puso, nagkakalkula at gumagawa sila ng mga plano tungkol sa kung ano ang gagawin kung matutupad ang mga salita ng Diyos at kung ano ang gagawin kung hindi matutupad ang mga ito matapos ang isang partikular na bilang ng mga taon. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman ganap na tumutuon sa gawain ng iglesia pagkatapos pumasok sa iglesia. Sa halip, palagi nilang pinagmamasdan ang paglago ng iglesia, ang saloobin ng iglesia sa kanila at kung paano sila nito tinatrato, at iba pang mga salik para pagdesisyunan ang mga susunod nilang hakbang. Hindi ba’t masyadong komplikado ang mga kaisipan ng mga taong ito? (Oo.) Bagaman sumali na sila sa iglesia, palagi silang nagtataglay ng isang pansamantalang perspektiba, gaya ng isang kontraktuwal na manggagawa, habambuhay na nananatili sa isang kalagayan ng “pisikal na naririto subalit nasa ibang lugar ang pag-iisip,” okupado ang kanilang isipan ng mga pakana at sabwatan. Ang desisyon nilang manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia ay isa lang pilit na kompromiso, hindi isang espirituwal na pangangailangan o isang pagnanais na sumunod sa Diyos at tumahak sa tamang landas ng buhay ng tao batay sa pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Wala silang pananalig para dito. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos na may saloobing maghintay-at-magmasid, nagkakalkula sa kanilang puso: “Kung ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa akin ng daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa buhay na darating, at ng pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, susunod ako at mananampalataya. Kung hindi ko matatanggap ang mga ito, lilisanin ko ang iglesia anumang oras at sa anumang sitwasyon at titigil sa pananampalataya.” Ganap silang nanampalataya sa Diyos sa oportunistikong pag-aasam ng pagkakamit ng mga pagpapala. Kung hindi sila makatatanggap ng mga pagpapala, maaari nilang abandonahin ang kanilang mga tungkulin anumang oras at sa anumang sitwasyon at magplano ng ibang landas para sa sarili nila dahil ang kanilang puso ay hindi kailanman nakaugat sa iglesia, ni hindi talaga nila pinili ang landas ng pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos.

Ang mga pangunahing katangian ng mga oportunistikong taong ito ay ang tatlong ito: Hindi nila sineseryoso kung umiiral ba ang Diyos, hindi nila sineseryoso ang pagkilatis ng mga positibo at negatibong bagay, at maaari nilang lisanin ang iglesia anumang oras at sa anumang sitwasyon. Gaano man kahusay ang pagtrato sa kanila ng mga kapatid, hangga’t ang mga bagay ay hindi umaayon sa kanilang mga interes o nakatutugon sa kanilang mga kasalukuyang pangangailangan, maaari nilang lisanin ang iglesia. Subalit kapag wala na silang mapuntahan, pinipili nilang bumalik. Pagkabalik, hindi pa rin nila hinahangad ang katotohanan at maaaring muling lisanin ang iglesia anumang oras. Anong uri sila ng kaawa-awa? Ang kanilang pagdating at pag-alis ay parang napakakaswal; hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Ito ang mga katangian ng mga oportunistikong tao; pagdating sa kanilang diwa, sila ay mga hindi mananampalataya. May ilang tao na maaaring magpatuloy na manampalataya sa loob ng tatlo hanggang limang taon, may ilang maaaring magpatuloy nang walo o sampung taon, subalit ang pakay nila ay para lang oportunistikong maghanap ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay hindi simple. Nakapagtiis pa nga sila hanggang ngayon sa marahas at inuusig na kapaligiran ng kalakhang China—hindi ba’t iyon ay parang "pagtulog sa sanga at pagdila sa apdo?" May ilang tao na hindi na makapagpatuloy pagkatapos manampalataya sa loob ng sampung taon, kaya nagrereklamo sila: “Sampung taon na ang nakalipas. Nasayang na ang aking kabataan sa iglesia. Kung nagsumikap ako sa mundo sa loob nitong sampung taon, magkano na kaya ang kinita ko? Marahil ay naging manedyer ako, at malamang sa nagkaroon ako ng napakaraming ari-arian.” Pagkatapos ay hindi sila mapakali. Nanampalataya na sila sa Diyos sa loob ng sampung taon para lang matugunan ang kakarampot nilang pagkamausisa at pagnanais para sa mga pagpapala, subalit hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan. Bilang resulta, wala silang napala. Nagsisisi silang nanampalataya sila sa Diyos, at pinagagalitan pa nga nila ang sarili nila, sinasabing, “Hangal ka, tanga ka! Hindi mo tinahak ang malawak at madaling daan kundi pinilit mong tahakin ang mahirap na rutang ito. Walang pumilit sa iyo; sariling desisyon mo ito!" May ilang tao na kayang umalis kahit matapos manampalataya sa loob ng sampung taon, umaalis sa isang iglap. Pagkatapos lang makaraos sa lipunan nang may dalawa o tatlong taon, napagtatanto nilang hindi kasinggaan o kasingdaling tahakin ang lipunan gaya ng inakala nila, at ang mundo ng mga walang pananampalataya ay hindi kasingkulay at kasing-ideyal gaya ng kanilang inaasahan; hindi madali para sa kanila na makaraos saanman sa mundo. Pagkatapos itong pag-isipan, napagtanto nilang mas mabuti pa rin ang iglesia, kaya’t walang hiya-hiya silang bumalik. Pagbalik nila, sinasabi nilang, “Mabuti ang manampalataya sa Diyos; masama ang mga walang pananampalataya, palaging nang-aapi ng mga tao. Masyadong maraming pagdurusa sa mundo. Itong mga taon na ito nang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nang hindi pamumuhay ng buhay-iglesia, nahulog ako sa kadiliman, tumatangis at nagngangalit ang aking mga ngipin araw-araw; nagdusa ako hanggang sa puntong hindi na ako mukhang tao. Mas mabuti pang manampalataya sa Diyos!” Ipinahahayag nilang mas mabuti pang manampalataya sa Diyos, subalit sa katunayan, ito ay dahil narinig nilang masyadong maraming sakuna sa mundong ito, at malapit nang makaranas ng isang malaking kalamidad ang sangkatauhan. Walang kuwenta ang pagkakaroon ng pera, lupain, mga kotse, at mga bahay; tanging iyong mga may pananalig ang maliligtas. Kaya, bumabalik sila para manampalataya muli sa Diyos. Hindi ba’t isa itong oportunista? (Oo.) Kayang lisanin ng mga oportunistikong tao ang iglesia anumang oras. Kung makikita nilang may pag-asang magkamit ng mga biyaya sa pamamagitan ng pagbalik sa iglesia, maaari rin silang bumalik anumang oras. Pagbalik nila, maaari silang magsabi ng ilang salita ng pagsisisi at magpahayag na hindi nila kailanman iiwang muli ang Diyos, subalit pagkatapos makita na kalmado at payapa ang mga bagay-bagay sa mundo at na maaari pa rin silang magtamasa ng ilang masayang araw, magagawa nilang muling lisanin ang iglesia anumang oras. Ano ang tingin nila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia? Itinuturing nila itong isang malayang pamilihan, dumarating at umaalis ayon sa kanilang kagustuhan. Sabihin mo sa Akin, kung ang gayong mga tao ay paaalisin o aalis nang kusa nila, dapat bang tanggapin silang muli ng iglesia kung gusto nilang bumalik? (Hindi.) Hindi sila dapat tanggaping muli. Ang muling pagtanggap sa kanila ay isang pagkakamali at lumalabag sa mga prinsipyo. Ang mga taong ito ay hindi nakatutugon sa mga pamantayan ng mga miyembro ng iglesia. Kaya nilang lisanin ang iglesia anumang oras, at para magkamit ng mga pagpapala, kaya nilang ipagsiksikan ang sarili nila pabalik sa iglesia anumang oras, subalit sa buong prosesong ito, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan. Pinatutunayan nito na hindi sila tunay na mga mananampalataya. Ang gayong mga tao ay panghabambuhay na magiging mga target ng pagpapaalis at pagpapatalsik. Dapat silang paalisin ng iglesia at sabihin sa kanilang: “Huwag kayong manghinayang. Kapag nakaalis na kayo, hindi na kayo makakabalik. Hindi bubuksan ng iglesia ang pinto para sa inyo sa pangalawang pagkakataon. Ito ang prinsipyo.” Sinasabi ng ilang tao na: “Hangal sila noong panahong iyon, subalit umaasal na sila nang napakabuti ngayon. Kasing masunurin sila ng isang maliit na tupa, kasing kaawa-awa ng isang palaboy. Tuwing nakikita nila ang mga kapatid, ipinahahayag nila ang kanilang panghihinayang at pagkakautang, namumula ang kanilang mga mata mula sa pag-iyak sa pagsisisi. Mukha silang sobrang kaawa-awa, at ang kanilang saloobin ng pangungumpisal ay napakabuti. Hayaan natin silang bumalik.” May anumang pangungusap ba rito na umaayon sa mga prinsipyo? (Wala.) Kahit pagkatapos manampalataya sa loob ng tatlo o maging sampung taon, kaya pa rin nilang lisanin ang iglesia nang matatag at walang pag-aalinlangan. Anong uri sila ng kaawa-awa? Mga totoong mananampalataya ba sila? (Hindi.) Mayroon ba silang anumang pagiging taos-puso nang una nilang piniling sumunod sa Diyos? Wala. Kung nagkaroon talaga sila ng anumang pagiging taos-puso, hindi sila magiging lubos na determinadong lisanin ang iglesia. Sa pangkalahatan, maaaring sa sukudulan ay magkaroon ang isang tao ng gayong mga kaisipan kapag siya ay mahina, malungkot, o kapag hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanya, subalit hindi siya kailanman matatag na magdedesisyong lisanin ang iglesia para maghanap ng ibang daan pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, o maging sampung taon. Kung kaya nilang lisanin ang iglesia kapag gusto nila, ipinakikita nito na hindi sila taos-puso noong tinanggap nila ang tunay na daan at sumali sa iglesia sa simula; may mga lihim silang motibo at mithiiin—wala nang iba pang paraan para sabihin ito. Dapat malinaw na makilatis ang gayong mga tao. Hindi sila mga tunay na mananampalataya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos ay para sa oportunistikong pag-aasam ng pagkakamit ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay tinukoy bilang mga oportunista at, kapag nakilatis, ay dapat paalisin sa iglesia. Kung hindi nila lilisanin ang iglesia at patuloy na sasamantalahin ang sitwasyon para sa pansarili nilang kapakanan sa loob ng iglesia, iyon ay dahil walang sinuman ang nakakilatis sa kung ano sila. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga oportunistang ito, ang mga lider at mga manggagawa at hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat magkaroon ng isang malinaw na pagkaunawa at pagkilatis sa gayong mga tao. Kapag natuklasang hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nananalangin sa Diyos, hindi interesado sa gawain ng Diyos o sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, hindi interesado sa mga positibong bagay, at hindi sineseryoso ang mga ito, dapat silang bantayang mabuti. Kinakailangang obserbahan ang mga motibo at pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, at tiyakin ang saloobin nila sa iglesia, ang saloobin nila sa katotohanan, at ang saloobin nila sa Diyos. Kung malinaw na wala silang tamang saloobin, at partikular na walang pakialam sa paghahangad sa katotohanan at paggawa ng tungkulin, hindi nagpapakita ng anumang interes, at palagi silang may mapagdudang saloobin sa mga salita ng Diyos, makukumpirma na ang mga taong ito ay mga opportunista at mga hindi mananampalataya. Sa kasong iyon, hindi sila dapat ituring na mga kapatid; hindi sila bahagi ng iglesia. Sa halip, dapat silang paalisin sa iglesia. Nanampalataya na sila ng ilang taon at hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan; kapaki-pakinabang ba na magpatuloy na magbahagi ng katotohanan sa kanila? Makatotohanan ba na magpatuloy na maghintay sa kanila na magsisi? Huwag ka ng gumawa sa gayong mga tao, at huwag mo silang hintaying magsisi. Kung hindi nila handang gawin ang kanilang tungkulin at gusto pa rin nilang patagalin ang pananatili nila sa iglesia nang hindi umaalis, dapat humanap ng paraan ang mga lider ng iglesia para matalino silang maibukod. Angkop ba ito? (Oo.) Kapag ang mga taong ito ay nakilatis bilang mga oportunista, kinlasipika na sila sa mga hanay ng iba’t ibang masamang tao at mga hindi mananampalataya. Dahil sila ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, natugunan nila ang mga prinsipyo at kondisyon para mapaalis o mapatalsik sa iglesia. Ang pagpapaalis sa kanila nang maaga ay talagang mas mainam kaysa sa pagpapaalis sa kanila nang huli. Makaiiwas sa maraming problema ang pagpapaalis sa kanila nang maaga, at hindi na nila kailangan pang makaramdam ng pagkaagrabyado. Dapat malinaw mong sabihin sa gayong mga tao na: “Hindi mo kailangang patuloy na magkalkula sa iyong puso kung kailan o kung paano ka aalis, at hindi mo kailangang patuloy na magkalkula kung mananatili ka o aalis. Ang sambahayan ng Diyos at ang Diyos ay hindi namimilit sa mga tao; kung gusto mong umalis, hindi ka susubukang udyukan ng iglesia na manatili. Subalit may isang bagay na dapat linawin sa iyo: Kung sigurado kang hindi ka isang tao ng sambahayan ng Diyos at ayaw mong maging isang miyembro ng iglesia, umalis ka sa lalong madaling panahon; huwag kang magpaliban. Ito ay para sa ikabubuti ng lahat. Kung nananampalataya ka sa pag-iral ng Diyos, kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, at tunay na handang sumali sa iglesia, ikaw ay nararapat na miyembro ng iglesia. Subalit ngayon, hindi ka nararapat. Dumating ka para sa oportunismo, at marahil hindi mo ito alam sa sarili mo, subalit nakilatis na namin—ayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga prinsipyo ng iglesia sa pangangasiwa sa lahat ng uri ng tao—na ikaw ay isang oportunista. Patuloy kang nagkakalkula ng tamang oras para lisanin ang iglesia; isa itong abala. Hindi mo kailangang hanapin ang tamang oras; maaari ka nang umalis ngayon. Kung palagi kang hindi sigurado sa pagpapakita at sa gawain ng Diyos, sinasabi sa iyo ngayon nang malinaw: Hindi mo na kailangang pag-isipan o siyasatin pa ang mga bagay-bagay, hindi mo na kailangang patuloy na gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyong sarili—maaari mo na ngayong lisanin ang iglesia, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka pananatilihin ng sambahayan ng Diyos, hindi nito pinipilit ang mga tao.” Angkop bang gawin ito? (Oo.) Bigyan sila ng "daan palabas"; huwag silang hayaang magdusa ng mga pahirap dito araw-araw na gaya ng mga langgam sa isang mainit na kawali, patuloy na pinahihirapan ng kanilang mga damdamin, kanilang laman, kanilang mga kinabukasan, at ng isyu ng pananatili o pag-alis. Gaano man sila pinahihirapan ng mga bagay na ito, hindi ito kailanman humahantong sa anuman. Pinag-iisipan pa rin nila sa puso nila kung kailan sila aalis, kung paano aalis, kung magdurusa ba sila ng mga kawalan at kasawian kung aalis sila nang maaga, at kung makatatanggap sila ng mga pagpapala kung mananatili sila nang mas matagal. Paano kung umalis sila at pagkatapos ay natupad ang mga salita ng Diyos? Paano kung hindi sila umalis at nanatiling hindi natutupad ang mga salita ng Diyos? Hindi nila kailangang patuloy na mag-alala at mabalisa tungkol sa mga bagay na ito. Dahil hindi sila nananampalataya sa Diyos nang may tunay na kagustuhan, dapat silang umalis sa lalong madaling panahon. Hindi sila dapat manatili rito na sinusubukang samantalahin ang sitwasyon para sa kanilang personal na pakinabang, nagpapanggap na maging isang bagay na hindi naman sila. Sabihin mo sa Akin, mabuti bang payuhan sila nang ganito at pangasiwaan ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kalabisan ba ang iklasipika ang mga oportunista kasama ng iba’t ibang masamang tao para paalisin o patalsikin? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na: “Paano maituturing na masasamang tao ang mga ganitong tao?” Gaano karaming mabuting tao ang mayroon sa mga hindi mananampalataya? Sa paningin ng Diyos, ang disposisyong diwa ng mga nananampalataya sa Diyos at kumikilala sa pag-iral ng Diyos ay itinuturing na masama, lalo na iyong mga ganap na hindi nananampalataya sa Diyos at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos. Kaya kalabisan bang iklasipika sila bilang masasamang tao? (Hindi.) Sa anumang kaso, kahit papaano ay tinatawag pa rin naman silang mga tao—masasamang tao. Sapat na mabuti na ito na hindi sila kinaklasipika bilang masasamang demonyo. Ang pagkaklasipika sa kanila kasama ng masasamang tao ay ganap na angkop at nararapat; hindi talaga ito kalabisan. Ang gayong masasamang tao ay isa rin sa iba’t ibang uri ng mga tao na paaalisin o patatalsikin ng sambahayan ng Diyos. Ito ang ikaapat na uri ng hindi mananampalataya, na ang pakay sa pananampalataya sa Diyos ay oportunistiko.

Ano ang mga pangunahing katangian ng mga oportunista? Sa pamamagitan ng inyong mga pakikipag-ugnayan sa mga taong ito at sa pagmamasid sa mga disposisyon, pananaw, saloobin, o pagkataong ibinubunyag nila, anong mga pangunahing katangian ang inyong natagpuan? Ibuod ninyo ang mga ito. (Ang mga oportunista sa simula ay hindi nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan. Naririnig nila na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay umuunlad, kaya’t nananampalataya lang sila sa Diyos sa pag-aasam na makakuha ng ilang benepisyo at pagpapala mula sa sambahayan ng Diyos, naghahanap ng kita. At kung hindi nila matatanggap ang mga bagay na ito makaraan ang ilang panahon, gusto nilang umalis. Hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito at hindi talaga sila interesado sa pananampalataya sa Diyos.) Ano ang pinakamalaking problema sa mga oportunista? Ang pangunahing isyu ay na hindi sila interesado sa katotohanan pero pinakainteresado sila sa pagkakamit ng mga pagpapala, kaya’t pinakamahirap para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi mo sila maaaring paalisin o patalsikin dahil lang hindi sila interesado sa katotohanan, tama?” Ang kawalan ng interes ng mga taong ito sa katotohanan ay pangunahing naipakikita sa hindi nila kailanman pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagbabahagi ng katotohanan. Kung may marinig silang isang tao na nagbabahagi ng katotohanan at nagsasalita tungkol sa pagkilala sa sarili, o paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema, nakararamdam sila ng partikular na pagtutol sa kanilang puso at ganap na hindi sila interesado, at nagsisimula silang makatulog. Lubhang tutol sila sa mga bagay na ito, at gumagamit pa nga ng walang kabuluhang pag-uusap, nagsasalita tungkol sa mga sakuna, at tinatalakay ang pagpapakita ng Diyos ng mga palatandaan at kababalaghan para guluhin ang iba sa pagbabahagi ng katotohanan. Bilang resulta, ang ilan na hindi naghahangad sa katotohanan ay nasasabik kapag naririnig nila ang mga paksang ito at sumasali sa talakayan. Hindi ba’t tahasang panggagambala ito sa buhay-iglesia? Bihira silang magbasa ng mga salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at kapag ginagawa nila ito paminsan-minsan, marahil ito ay dahil may bumabagabag sa kanilang kalooban. Hindi sila interesado sa mga pagtitipon, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o sa pagbabahagi ng mga salita ng Diyos. Ang iniintindi lang nila ay kung: “Kailan darating ang araw ng Diyos? Kailan matatapos ang malaking sakuna? Kailan natin matatamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit?” Palagi nilang iniisip ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung walang tumatalakay sa mga paksang ito, nag-oonline sila para magsaliksik, at pagkatapos magsaliksik, sinisimulan nilang ipalaganap ang mga bagay na ito sa mga pagtitipon. Napupuno ang kanilang puso ng mga bagay na ito. Hangga’t naririnig nila ang iba na nagbabahagi tungkol sa mga paksang interesado sila, maaari silang mag-ambag at sumali sa pagbabahaginan. Subalit sa sandaling makarinig sila ng nilalamang nauugnay sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, ayaw nilang makinig. Nagsisimula silang matulog, at umaalis pa nga ang ilan, habang ang iba ay nagsisimulang hindi mapakali—nagpapakita sila ng lahat ng uri ng pangit na ekspresyon. Sinasabi mong, "Magbahaginan tayo ng mga salita ng Diyos." Sinasabi nilang, "Nauuhaw ako, kailangan kong uminom ng tubig." Sinasabi mong, "Magbahaginan tayo tungkol sa pagkilala sa sarili," o "Magbahaginan tayo tungkol sa mga detalye ng paggawa ng mga tungkulin; tingnan natin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Sinasabi nilang, “May gagawin ako. Aalis na ako. Magpakasaya kayo sa inyong pag-uusap.” Naghahanap sila ng lahat ng uri ng palusot para hindian at tanggihan ang pagbabahaginan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan. Malinaw na inilalantad nito ang katunayang hindi lang nila hindi minamahal ang katotohanan, kundi tutol din sila at nilalabanan nila ang katotohanan mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa tuwing ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan ay nababanggit, hindi sila hayagang sumasalungat o nakikipagtalo, kundi naghahanap sila ng iba’t ibang palusot para tanggihan at iwasan ang mga ito. Hindi ba’t malinaw na ipinapakita ng mga pag-uugaling ito na sila ay mga oportunista? Hindi ba’t malinaw na ipinapakita ng mga ito na sila ay mga hindi mananampalataya, nananampalataya sa Diyos para sa isang tiyak na pakay, para sa oportunismo? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao na: “Sinasabi mong sila ay mga hindi mananampalataya at hindi taos-pusong sumusunod sa Diyos, kung gayon bakit nagagawa nilang manampalataya hanggang ngayon at nagsusumikap pa rin sila at nagtitiis ng paghihirap para sa gawain ng iglesia?” Hindi pa ba sapat ang mga pag-uugaling kababanggit lang natin para masagot ang tanong na ito? Ang mga pag-uugaling ito ay sapat na para patunayan na tumpak ang ating pagkilatis at pagkategorya sa kanila. Samakatwid, para masukat kung ang pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos ay oportunistiko, dapat mong sukatin at kilatisin ito batay sa kanyang saloobin sa Diyos, sa gawain ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibo at negatibong bagay. Ito ang pinakatumpak. Hindi tumpak at hindi obhetibo na sukatin ito sa pamamagitan ng kanyang panlabas na pag-uugali at mga kilos. Tanging ang kanyang tunay na panloob na mga kaisipan at ang kanyang saloobin sa Diyos at sa katotohanan ang nagbubunyag sa mga isyu; ang mga ito lang ang mga pinakatumpak na pamantayan para sa pagtukoy kung anong uri sila ng tao. Ngayon, talaga bang malinaw na sa inyo ang tungkol sa diwa niyong mga taong ang pakay sa pananampalataya sa Diyos ay oportunistiko? Nakatagpo na ba kayong lahat ng ilang taong tulad nito? (Oo.) Mas mabuti para sa gayong mga tao na umalis sa lalong madaling panahon. Kung tunay na handa silang magserbisyo, maaari silang panatilihin nang may pag-aatubili. Gayumpaman, kung hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin at hindi kayang magbigay ng anumang serbisyo, kundi nagdudulot ng mga kaguluhan at may negatibong epekto sa gawain ng iglesia at buhay-iglesia, dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon. Ito ang prinsipyo para sa pagpapaalis sa mga hindi mananampalataya. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan; kailangan nito ng mga tapat na tagapagserbisyo. Tiyak na hindi nito kailangan ng mga hindi mananampalataya o iyong mga nagmamasid nang may pag-aalinlangan para maparami ang bilang. Hindi rin kailangan ng iglesia ang sinuman para maparami ang bilang. Dito natin tatapusin ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.

E. Para Mamuhay sa Tulong ng Iglesia

Sunod ay magbabahagi tayo tungkol sa ikalimang pakay: ang pananampalataya sa Diyos para mamuhay sa tulong ng iglesia. Pamilyar kayong lahat sa paksang ito ng pamumuhay sa tulong ng iglesia, hindi ba? (Oo.) Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong namumuhay sa tulong ng iglesia? Sa anong mga pagpapamalas natin matutukoy na hindi dalisay ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, na hindi sila taos-pusong sumusunod sa Diyos, o nagtatangkang magkamit ng kaligtasan, at na hindi sila naparito para hangarin at tanggapin ang katotohanan at magsagawa ng mga salita ng Diyos batay sa pananampalataya sa pag-iral ng Diyos at sa kahandaang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos para makamit nila ang layon ng pagtatamo ng kaligtasan, kundi sa halip ay naparito para mamuhay sa tulong ng iglesia? Ano ang ibig sabihin ng "mamuhay sa tulong ng iglesia"? Napakalinaw ng mababaw na kahulugan nito. Ibig sabihin nito na sumali sa isang denominasyon sa pamamagitan ng relihiyosong pananampalataya para malutas ang mga isyung nauugnay sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at ang problema ng pagkakaroon ng pagkain. Ito ang pinakamaikli at tuwirang depinisyon ng "mamuhay sa tulong ng iglesia," at ito rin ang pinakamalinaw na depinisyon. Kaya, ano ang mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga taong ito na kumukumpirma na sila ay hindi mga totoong mananampalataya kundi naparito para mamuhay sa tulong ng iglesia? May ilang tao na may kahusayan sa isang partikular na kasanayan at may abilidad na magtrabaho tulad ng isang normal na tao, subalit nakikita nila na hindi patas ang lipunang ito at na hindi madali ang maghanapbuhay rito. Ang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagtatrabaho para suportahan ang buong pamilya ng isang tao ay nangangailangan ng pagbangon nang maaga at pagpupuyat sa gabi, pagtitiis ng maraming paghihirap, at pagtitiis ng maraming sama ng loob—kailangan din ng isang tao na maging magaling makitungo at marunong umangkop, subalit sapat ding malupit at masama, at dapat din siyang magtaglay ng mga estratehiya at kakayahan—tanging sa ganoong paraan lang magkakaroon ang isang tao ng isang matatag na kabuhayan at maitataguyod ang sarili sa lipunan. Kung tinitingnan iyong mga nagtatrabaho, anuman ang industriya at nasa mataas, panggitna, o mababang antas man sila ng lipunan, hindi madali ang maghanapbuhay. Iyong mga manggagawang white-collar ay nagbabalatkayo ng wangis ng tao, gamit ang magagara nilang itsura, matataas na titulo, matataas na kuwalipikasyong edukasyonal, at malalaking sahod at mga benepisyo, at ang lahat ay naiinggit sa kanila, subalit ang bawat hamong kinakaharap nila sa trabaho ay isang pagsubok. Hindi madaling magtrabaho sa anumang larangan. Ang pagiging magsasaka at pagtatrabaho sa bukirin ay lalong mas mahirap. Ang mga magsasaka ay nagpapakapagod nang husto, subalit nakakakuha lang sila ng sapat na ani para mapakain ang kanilang mga pamilya, wala silang pera para bumili ng mga damit at iba pang mga pangangailangan, o para kumpunihin ang kanilang mga bahay, at kapag gusto nilang gumastos ng kaunting pera, kailangan nilang umasa sa pagbebenta ng mga gulay o pagpapalaki ng mga hayop para magawa ito—mas miserable pa ang maging isang magsasaka! Tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Mahirap kitain ang pera—madali ang ipanganak, subalit mahirap ang mabuhay”— napakahirap maghanapbuhay. May ilang tao na walang paraan para kumita ng ikabubuhay, at nakikita nilang napakasama ng mga walang pananampalataya, at iniisip nila na iyong mga may relihiyosong pananalig ay taos-puso, at na maaaring medyo mas madali ang maghanapbuhay sa iglesia, kaya ginagamit nila ang pagkakataon ng pangangaral ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos para pasukin ang iglesia. At pagkatapos marinig na ang pagkain ay ipinagkakaloob sa mga gumagawa ng mga tungkulin, nagtutungo sila para gumawa ng isang tungkulin. Iniisip ng ilang tao na gustong gumawa ng tungkulin na, “Ako ang tagapagtaguyod ng aking pamilya. Hangga’t may mga tao na nagsasaka sa bukirin sa bahay, at naipagkakaloob ang mga gastusin sa pamumuhay ng aking pamilya, gagawin ko ang aking tungkulin. Ang pangunahing pakay nila sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ay para makakuha ng sapat na pagkain at mga damit na panlaban sa lamig para matiyak ang kanilang pananatiling buhay—para makakain ng tatlong beses sa isang araw, at para hindi na mangailangang umasa sa pagtatrabaho at pagkita ng pera para matustusan ang sarili nila; ayos lang ang lahat sa kanila basta’t nakatatanggap sila ng tulong mula sa iglesia at sa mga kapatid. Para makamit ang layong ito, ginagawa nila ang anumang isinasaayos ng iglesia para gawin nila. May ilang tao rin na, pagkatapos pumasok sa iglesia, ay nagsisimulang matuto kung paano maging lider at mangaral ng mga sermon. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos nang madalas, kinokopya at isinasaulo ang mga salita ng Diyos nang madalas, at pagkatapos isaulo ang mga ito, natututo silang mangaral sa iba at tumulong sa mga tao na lutasin ang mga problema. Sinusubukan nila ang lahat ng posibleng paraan para tulungan ang lahat, at umaasang tutulungan sila ng mga tao pagkatapos matanggap ang kanilang tulong, at umaasang magiging mapagpasalamat ang mga tao sa kanila pagkatapos makinig sa kanilang mga sermon at sa mga salita ng Diyos na ipinangangaral nila, at sa gayon ay pagkakalooban sila ng kawanggawa at tulong. Halimbawa, kung wala silang perang pambayad para sa mga gastusin sa tubig at koryente sa bahay, matutulungan sila ng mga kapatid na magbayad, at kung wala silang perang pambayad para sa pangmatrikula ng kanilang mga anak o para sa panggastos sa pagpapagamot ng kanilang mga maysakit na magulang, maipagkakaloob ng iglesia o ng mga kapatid ang mga pondong ito dahil gumagawa sila ng isang tungkulin. Sa ganitong paraan, napapanatag sila sa pananampalataya sa Diyos at nararamdaman na sulit ang pananampalataya nila sa Diyos, na hindi ito nagdulot sa kanila na magdusa ng anumang mgakawalan, at na nakamit na nila ang kanilang layon. Patuloy silang nagpapasalamat sa Diyos sa kanilang puso, sinasabing, “Ang lahat ng ito ay biyaya ng Diyos, pabor ng Diyos. Salamat sa Diyos!” Para “masuklian” ang pagmamahal ng Diyos, “tumatalima” sila sa mga pagsasaayos ng iglesia, at basta’t napagkakalooban sila ng pagkain at mga gastusin sa pamumuhay, gagawin nila ang anumang uri ng gampanin—ang mithiin nila ay para lang magkaroon ng isang matatag na kabuhayan bilang kapalit. Kapag nakaligtaan ng iglesia ang kanilang mga pangangailangan sa pamumuhay at hindi maagap na nalutas ang kanilang mga paghihirap, nagiging malungkot sila. Ang saloobin nila sa gawain ng iglesia at sa mga tungkuling iniatas sa kanila ng sambahayan ng Diyos ay agad na nagbabago. Sinasabi nilang, “Hindi ito uubra, kailangan kong lumabas at kumita ng pera. Dati, wala akong pagkakataong kumita ng pera dahil ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Madalas ko pa ngang inilalagay ang sarili ko sa panganib na maaresto ng malaking pulang dragon dahil personal kong ginagawa ang gawaing iyon, at kilala ako ng mga tao saanmang lugar. Ngayon, hindi na madali para sa akin na kumita ng pera. Ano ang dapat kong gawin?” Sa ganitong uri ng sitwasyon, aktibo nilang ilalahad ang kanilang mga paghihirap at mga hinihingi sa mga kapatid, nakikipag-ugnayan pa nga at humihingi sa sambahayan ng Diyos. May ilang tao na walang pera para sa kanilang mga gastusin sa pamumuhay o para sa kanilang pagtanda, subalit hindi nila nilulutas ang mga problemang ito sa sarili nila. Sa halip, gusto nilang umasa sa pagsusumikap nila sa sambahayan ng Diyos para kumita ng pera para sa kanilang mga gastusin sa pamumuhay. May ilang tao na mas pinalalala pa nga ito—hindi lang nila hinihingi sa sambahayan ng Diyos na tustusan ang kanilang mga gastusin sa pamumuhay at para sa gastos sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at pagsuporta sa kanilang mga magulang, humihingi rin sila ng pera para sa mga gastusin nila sa pagpapagamot. May ilang tao pa nga na humihingi ng pera mula sa sambahayan ng Diyos para bayaran ang kanilang mga pagkakautang—nagiging mas labis-labis ang kanilang mga hinihingi, at talagang wala silang hiya para humingi ng gayong mga bagay. Pagkatapos na ang ilang tao ay manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia, ang perang ibinayad ng sambahayan ng Diyos para tustusan ang mga gastusin nila, pati na ang mga karagdagang pondo na aktibo nilang hiningi, ay lumampas sa perang kinita nila mula sa pagtatrabaho. Batay sa kung natugunan ang mga kondisyong ito, sa panlabas ay tila ginagampanan nila nang may dedikasyon at lubos na pagkamatapat ang gawaing iniatas sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kapag nabawasan o nawala ang mga benepisyong ito, nagbabago ang kanilang saloobin. Ang saloobin nila sa mga gawaing itinalaga ng iglesia ay nag-iiba batay sa saloobin ng mga kapatid sa kanila at batay sa halaga ng tulong-pinansyal na ipinagkakaloob sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kapag binawi o nawala na ang biyayang tinatamasa nila, hindi na sila makikitang gumagawa ng mga tungkulin nila. Mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, kinakalkula ng mga taong ito kung paano sila makapandaraya para magkaroon ng isang lugar sa sambahayan ng Diyos, at “karapat-dapat” na magtamasa ng kawanggawa at tulong ng mga kapatid pagkatapos magkamit ng posisyon dito, pati na rin ng suporta mula sa sambahayan ng Diyos at ng mga probisyon nito para sa kanilang araw-araw na buhay. Tiyak na hindi nila taos-pusong ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, tiyak na hindi sila dumating para walang pasubaling gugulin ang sarili nila—sa halip, sumali sila sa iglesia na may isang mithiin, ang mamuhay sa suporta nito at magkaroon ng kabuhayan. Kapag hindi makakamit ang layuning ito ayon sa kanilang kagustuhan, kaagad silang nagiging mapanlaban, at kaagad na ibinubunyag ang tunay nilang pagkatao, na ito ay sa isang hindi mananampalataya. Simula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, hindi sila lumalapit nang may pagiging taos-puso; hindi sila taong-pusong sumusunod sa Diyos, o tinatalikuran ang mga bagay-bagay at ginugugol ang sarili nila para sa Diyos nang kusang-loob, nang hindi humihingi ng mga pabuya, at hindi humihingi ng anuman bilang kapalit. Sa halip, nanampalataya sila sa Diyos dala ang mga sarili nilang hinihingi, layunin, at pakay—ng pakay nila na determinadong mamuhay sa tulong ng iglesia at umasa sa iglesia at sa mga kapatid para makapaghanapbuhay dahil nananampalataya sila sa Diyos. Kapag hindi maaaring makamit o maisakatuparan ang pakay na ito ayon sa kanilang kagustuhan, naghahanap sila ng ibang daan pasulong, sa pamamagitan ng pagtatrabaho o pagnenegosyo. Wala bang ganitong mga tao? (Mayroon.) Mayroong ilang tao sa iglesia na ganito ang uri. Sa simula, kapag pinagkakalooban sila ng iglesia o ng mga kapatid ng ilang bagay bilang kawanggawa, tulad ng mga damit, mga pang-araw-araw na pangangailangan, o pera, tila sa panlabas ay nahihiya sila, subalit nagagalak talaga sila sa kalooban. Halimbawa, sabihing nagho-host sila ng isa o dalawang kapatid o full-time na ginagawa ang tungkulin nila, at kaya pinagkakalooban sila ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid ng kaunting kawanggawa at tulong-pinansyal sa kanilang mga pamilya. Labis silang natutuwa at kontento rito, iniisip na ang pananampalataya sa Diyos ay sulit at kapaki-pakinabang, at na hindi sila nawalan.” Sa paglipas ng panahon, nagiging mas sakim ang puso nila, mas dumarami ang kanilang mga hinihingi, at lalo silang nagiging walang-hiya—gaano man karami ang ipinagkaloob sa kanila, hindi sila kailanman nakukontento. Sa simula, nahihiya pa silang tumanggap ng mga bagay, subalit habang tumatagal, pakiramdam nila ay medyo makatwiran ito, at pagkatapos ay nagsisimula silang magalit na hindi pa ito sapat. Sa kalaunan, direkta na nilang hinihingi na dapat magbigay ang sambahayan ng Diyos ng partikular na halaga; kung hindi, hindi sila makapananatiling buhay, at sa gayon ay hindi nila magagawa ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t lalong lumalaki ang kanilang kasakiman? (Oo.) Sa kabila ng pagtatamasa ng napakaraming biyaya, hindi lang nila hindi iniisip kung paano susuklian ito, kundi lalo pa silang humihingi nang higit pa sa sambahayan ng Diyos. Naniniwala sila na ang sambahayan ng Diyos ang may pagkakautang sa kanila, na ang mga kapatid ang may pagkakautang sa kanila, at na tama lang na bigyan sila ng kawanggawa at tulong-pinansyal. Kung kaunti ang naibigay sa kanila o kung matagal bago nila ito natanggap, hindi sila nasisiyahan. Tinatanggap nila gaano man kalaking pera at anumang mga bagay ang ipinagkakaloob sa kanila, iniisip na tama lang ito. Habang patuloy nilang ginagawa ang kanilang tungkulin sa loob ng mas mahabang panahon, mas lalo nilang nararamdaman na may karapatan sila at nagsisimulang hingin na bigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng mga mamahaling cellphone at kompyuter. Hinihingi rin nilang magkabit ang sambahayan ng Diyos ng mga aircon sa kanilang mga tahanan at magbigay ng mga kasangkapan tulad ng mga microwave at dishwasher. Hinihingi pa nga nila sa sambahayan ng Diyos na bilhan sila ng bahay at bigyan sila ng sasakyan, at may ilang humihingi ng katulong. Lalong dumarami ang mga hinihingi nila at lumalala ang kasakiman nila, at sa kalaunan, nagiging labis-labis ang mga hinihingi nila, at nangangahas na humingi ng kahit ano. Naniniwala silang, “Ginugol ko ang sarili ko at nagsumikap ako para sa sambahayan ng Diyos sa aking pananampalataya sa Diyos. Bahagi ako ng sambahayan ng Diyos. Kayong mga tao ay nag-aalay ng napakaraming handog sa Diyos—ano ang masama kung bibigyan ninyo ako ng bahagi nito? Bukod pa rito, kung bibigyan ninyo ako ng bahagi, hindi ito magiging para sa wala; nagsusumikap din ako sa sambahayan ng Diyos at nakikipagsapalaran, nagtitiis din ako ng paghihirap at nagbabayad ng halaga. Hindi ba’t tama lang na tamasahin ko ang mga bagay na ito? Samakatwid, dapat na walang pasubaling tugunan ng sambahayan ng Diyos ang aking mga hinihingi, dapat ibigay nito sa akin ang anumang kailangan ko, at hindi ito dapat maging kuripot.” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng pamumuhay sa tulong ng iglesia? Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya? (Oo.) Ang tumpak na depinisyon para sa mga pag-uugaling ito ay ang pamumuhay sa tulong ng iglesia. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay sa tulong ng iglesia? Ibig sabihin nito ay ang mangikil ng pera at mga kalakal mula sa sambahayan ng Diyos sa pagpapanggap ng pananampalataya sa Diyos, at paghingi ng kabayaran mula sa sambahayan ng Diyos sa pagpapanggap ng pagsusumikap para sa Diyos at paggawa ng tungkulin. Ito ang ibig sabihin ng mamuhay sa tulong ng iglesia. Maaari bang hangarin ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Bakit nila tinatalikuran ang mga bagay, nagsusumikap sa sarili nila, at nagtitiis ng paghihirap? Ito ba ay para gumawa ng isang tungkulin? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Nagsusumikap sila at nagtitiis ng mga paghihirap hindi talaga para sa pakay ng paggawa ng kanilang tungkulin, kundi ganap na para magkaroon ng kabuhayan, at hindi talaga nila pinahihintulutan ang sinumang punahin sila—gusto lang nilang makatwirang mamuhay sa tulong ng iglesia. Sila ay mga taong namumuhay sa tulong ng iglesia.

Iyong mga namumuhay sa tulong ng iglesia ay nananampalataya sa Diyos hindi para sa iba pang dahilan kundi ang magkaroon ng ikabubuhay para sa sarili nila, para magkaroon ng kabuhayan. May mga tao ba sa paligid ninyo na namumuhay sa tulong ng iglesia? Sabihin ninyo ang tungkol sa mga pagpapamalas nila. (Nakatagpo ako ng isang taong tulad nito. Sa simula, tila medyo matalino at masigasig siya, kaya isinaayos ng iglesia na mangaral siya ng ebanghelyo. Noong panahong iyon, mahirap ang buhay para sa pamilya niya, kaya pinagkalooban siya ng iglesia ng kaunting tulong. Gayumpaman, napag-alaman kalaunan na ginastos niya ang pera nang walang mga prinsipyo, ginastos ito sa mga bagay na hindi niya dapat pinagkagastusan at hindi nagtipid kung saan siya maaaring magtipid. Nang ibinahagi ng mga kapatid ang mga katotohanang prinsipyo sa kanya, hindi siya masaya at naging lubhang mapanlaban sa kanyang kalooban. Dahil ginamit niya nang mali ang pera ng sambahayan ng Diyos, gumawa ang iglesia ng mga makatwirang pagbabago ayon sa mga pagsasaayos at mga itinakda ng sambahayan ng Diyos, binawasan ang tulong-pinansiyal na ipinagkakaloob sa kanya. Dahil dito, nawala ang dating lakas na mayroon siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, at lalo siyang naging pabasta-basta. Kinalaunan, tumigil ang iglesia sa pagtulong sa kanya, at wala na ang puso niya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Ginugol niya ang lahat ng kanyang oras sa pag-iisip kung paano magtatrabaho at kikita ng pera. Nanghiram pa nga siya ng pera sa mga kapatid, sinasabing kailangan niyang bumili ng kotse at mamuhunan sa pagsisimula ng isang kumpanya, at sinasabing gagawin nitong mas magaan ang pangangaral ng ebanghelyo at magkakamit ng mas maraming tao. Halatang nililinlang at nililihis niya ang mga tao gamit ang mga salitang ito; ginagamit niya ang pagkukunwari ng pangangaral ng ebanghelyo para manggantso ng pera mula sa mga kapatid.) Paano pinangasiwaan ang taong ito? (Direkta siyang pinatalsik.) Iyon ang tamang bagay na gawin. Ito ay pamumuhay sa tulong ng iglesia. Nang ang mga taong namumuhay sa tulong ng iglesia ay unang nanampalataya sa Diyos, tila medyo masigasig sila at ginugugol nila ang sarili nila nang kaunti, at sa panahong ito ay hindi mataas ang kanilang mga hinihingi—ayos na sa kanila ang makakuha lang ng mga pagkain. Subalit sa paglipas ng panahon, hindi na sila kontento sa kung ano ang ibinibigay sa kanila at nagsisimulang tumaas nang tumaas ang mga hinihingi nila, at kung hindi natutugunan ang kanilang mga hinihingi, nagsisimula silang kumilos sa isang mapanlinlang na paraan at umaayaw nang magserbisyo. Kapag ginagawa nila ang kaunti sa kanilang mga tungkulin, kailangan pa nga silang bantayan, kung hindi, gagawin nila ito nang pabasta-basta. Kalaunan, kapag napag-alamang ang serbisyong ibinibigay nila ay mas nakasasama kaysa nakabubuti, itinitiwalag sila. Sinasabi ng ilan na, "Bakit hindi sila pinakikitaan ng pagmamahal ng sambahayan ng Diyos?" Mayroon ding mga prinsipyo pagdating sa pagpapakita ng pagmamahal. Ang mga taong iyon ay mga hindi mananampalataya, hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, o tinatanggap ang katotohanan, palagi silang kumikilos sa isang mapanlinlang at pabasta-bastang paraan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila nakikinig kapag ibinabahagi ang katotohanan, o tumatanggap ng anumang uri ng pagpupungos, at masasabing hindi sila mababago. Dahil dito, mapangangasiwaan lang sila sa pamamagitan ng pagpapaalis at pagtitiwalag sa kanila. Kung matutuklasan ng mga lider at manggagawa ang ganitong uri ng tao, dapat nila siyang pangasiwaan kaagad, at kung matutuklasan ng mga kapatid ang gayong tao, dapat nila siyang iulat kaagad sa mga lider at mga manggagawa. Ito ang responsabilidad ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakumpirma na na ang taong ito ay namumuhay sa tulong ng iglesia, na hinahangad lang niya na magkaroon ng ikabubuhay, at na hindi siya mananampalataya, at nakumpirma na tumatanggi siyang magtrabaho kapag hindi siya binibigyan ng pera, umaayaw at nagiging mapanlaban kapag pakiramdam niya ay hindi siya sapat na nababayaran, at gumagawa lang ng kaunting trabaho kapag nababayaran nang sapat, hindi siya dapat pakitaan ng kaluwagan—dapat siyang paalisin! Sa pagsasalita nang tumpak, ang mga taong tulad nito ay hindi man lang angkop na magserbisyo sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo sila babayaran, hindi sila magiging handang magserbisyo; subalit hangga’t binabayaran mo sila, kahit batid nilang nagseserbisyo lang sila, magiging handa pa rin silang gawin ito. Subalit anong uri ng serbisyo ang kayang ibigay ng mga hindi mananampalatayang ito? Hindi man lang sila makapagserbisyo nang maayos, at hindi umaabot sa pamantayan ang serbisyo nila, kaya dapat silang itiwalag. Samakatwid, ang unang bagay na dapat gawin kapag nakilatis na sila ang uri ng mga taong namumuhay sa suporta ng iglesia ay ang pangasiwaan sila at patalsikin sila mula sa iglesia bilang masasamang tao. Hindi talaga ito labis-labis; ganap itong naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapaalis at pagpapataksik ng mga tao. Kailangan bang bigyan ng pagkakataong magsisi ang ganitong uri ng tao? Kailangan ba silang panatilihin para sa pagmamasid? (Hindi.) May kakayahan ba silang magsisi? (Wala.) Ito eksakto ang kalikasan nila; hindi sila kailanman magsisisi. Mga kauri sila ni Satanas. Sa mga kauri ni Satanas, may isang uri ng tao na may kalikasan ng maladiyablong salbahe, na gustong magpabigat sa iba saanman sila naroroon, at hindi nakikibahagi sa anumang wastong gawain saanman sila magpunta, at hinahangad lang na manggantso at mandaya ng mga tao. Nakikita nila na may pagkatao ang mga mananampalataya ng Diyos at ipinagpapalagay na madaling lokohin ang mga taong ito, kaya nagtutungo sila sa sambahayan ng Diyos para mamuhay sa tulong ng iglesia. Ang hindi nila alam, ang sambahayan ng Diyos ay matagal nang nakakilatis at nagbabantay laban sa kanila, at may mga prinsipyo ito sa pangangasiwa sa mga taong katulad nila. Kapag nabigo ang mga pagtatangka nilang mamuhay sa tulong ng iglesia, bigla silang sumasabog sa galit sa pagkapahiya, inilalantad ang mga tunay na kulay nila. Sa puntong iyon, malalaman mo kung bakit hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao ng pagkakataong magsisi—ito ay dahil wala silang pagkatao at walang kakayahang magbago. Sila ang mga maladiyablong salbahe na binabanggit ng mga walang pananampalataya. Samakatwid, pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao sa pamamagitan ng direktang pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila, at hindi kailanman sila tinatanggap pabalik sa iglesia. Nararapat bang pangasiwaan sila bilang masasamang tao? (Oo.) Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa paksang ito.

F. Para Maghanap ng Kanlungan

Sunod, magbabahagi tayo tungkol sa ikaanim na pakay, ang ikaanim na uri ng hindi mananampalataya na dapat paalisin o patalsikin sa iglesia: iyong ang pakay sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan. Sinasabi ng ilang tao na, “Ano ang mga pagpapamalas ng paghahanap ng kanlungan? Mayroon bang mga nananampalataya sa Diyos para maghanap ng kanlungan? Umiiral ba talaga ang gayong mga tao?" Narinig na ba ninyo ang isang tao na nagsasabing, “Ang iglesia ay isang lugar ng kanlungan; nananampalataya ang mga tao sa Diyos para sila ay makahanap ng kanlungan”? Maraming tao sa relihiyon ang nagsasabi nito. Pagdating sa diwa ng kasabihang ito, may pagkakaiba ba sa pagitan ng kasabihang ito at sa pakay na ating hihimayin—“pananampalataya sa Diyos para maghanap ng kanlungan?” (Oo.) Ano ang pagkakaiba? Para saan sila naghahanap ng kanlungan? (Iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay mayroon ding ilang karumihan habang hinahangad ang katotohanan; umaasa rin silang makaiwas sa mga sakuna o mga paghihirap at magkamit ng kaunting kapayapaan. Gayumpaman, ang uri ng tao sa ikaanim na pakay ay nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng kanlungan, at walang kahit kaunting tunay na pananalig sa Diyos sa kanya. Ito ang pagkakaiba.) Ang pagkakaiba rito ay ang pagkakaroon ng mga karumihan sa pakay ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos kumpara sa pananampalataya sa Diyos para sa tanging pakay ng paghahanap ng kanlungan. Bukod sa pagkakaibang ito, may pagkakaiba rin pagdating sa kung mula saan sila naghahanap ng kanlungan. May ilang tao na may mga karumihang nakahalo sa kanilang pakay sa pananampalataya sa Diyos; nananampalataya sila sa Diyos para maiwasan ang mga sakuna, matakasan ang mga sakuna, o para protektahan at bantayan sila ng Diyos, at pagkatapos ay obhetibo nilang maiiwasan ang ilang panganib at sakuna. Itong mga sakunang ito ang nilalayon nilang iwasan. Ang uri ng tao sa ikaanim na pakay na ito na ating pinagbabahaginan—iyong ang pakay sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan—maghanap ng kanlungan mula sa mas malawak na saklaw ng mga bagay. Para sa kanila, ang pinakatunay ay higit pa sa pag-iwas sa malalaking sakuna at kalamidad na iyon na hindi pa nangyayari. Kaya ano ang mga pinakatunay na isyu para sa kanila? Ang mga bagay tulad ng pagharap sa mabibigat na kaaway sa lipunan, pagharap sa mga demanda, pagsalungat sa mga opisyal ng gobyerno o maiimpluwensiyang tao, paglabag sa batas, digmaan o iba’t ibang sakuna na nangyayari sa kanilang bansa, o pagharap sa ilang tao o pangyayari na naglalagay sa kanilang buhay o sa kaligtasan ng kanilang pamilya sa panganib, at iba pa. Pagkatapos makaharap ang mga sitwasyong ito, naghahanap sila ng isang iglesiang pinaniniwalaan nilang mapagkakatiwalaan at maaasahan para maghanap ng kanlungan; ito ang paghahanap ng kanlungan na binanggit sa ikaanim na pakay. Ibig sabihin, kapag nahaharap sila sa ilang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay na naglalagay sa kanilang buhay, pamilya, trabaho, karera, at iba pa sa panganib, pumupunta sila sa iglesia para maghanap ng kanlungan, naghahanap ng tulong ng isang puwersang binubuo ng malaking bilang ng mga tao. Ito ay pananampalataya sa Diyos para sa pakay ng paghahanap ng kanlungan tulad ng nabanggit sa ikaanim na pakay. Hindi ba’t iba ito sa mga karumihan ng mga totoong mananampalataya? (Oo.) Ang pakay ng ganitong uri ng tao sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan, para humingi ng tulong mula sa iglesia. Ibig sabihin, umaasa siya na matutulungan siya ng iglesia, at, bukod sa tulong-pinansyal, hinihingi rin niya na pagkalooban siya ng iglesia ng proteksiyon, suporta, at tulong. May ilang taong tulad nito na gusto ring gamitin ang impluwensiya, katayuan, at reputasyon ng iglesia sa lipunan para labanan ang mga buktot na rehimen o mga buktot na puwersa na nang-aapi at pumipinsala sa mga nananampalataya sa Diyos, para maprotektahan ang kanilang buhay o kabuhayan. Ito ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos. May mga tao bang ganito? Naniniwala sila na ang iglesia ay isang mabuting lugar ng kanlungan na maihihiwalay sa politika at lipunan, at iniisip nila na kapag kailangan nila ng tulong, taos-puso at may kabaitan silang tutulungan ng iglesia para pagkalooban sila ng anumang tulong-pinansyal, para manindigan para sa kanila, para ipagtanggol sila, para katawanin sila sa mga demanda, at para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes. Ito ang pakay ng mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos. Hanggang sa araw na ito, may gayong mga tao ba sa iglesia? Narinig na ba ninyo kung may gayong mga tao? Tiyak na may mga taong tulad nito sa mga iglesia sa labas ng bansa. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos at sumasali sa iglesia para lang sa pakay ng paghahanap ng kanlungan. Hindi nila nauunawaan kung ano ang pananalig, lalong hindi sila interesado sa katotohanan. Gayumpaman, kapag nahaharap sila sa mga paghihirap at hindi makahanap ng anumang tulong sa lipunan, iniisip nila ang iglesia, at naniniwala sila na ang iglesia ay isang lugar kung saan ligtas silang makapagkakanlong, ang pinakamahusay na ruta sa pagtakas, at ang pinakaligtas na lugar, kaya pinipili nilang manampalataya sa Diyos at pumasok sa iglesia para makamit ang kanilang pakay na makaiwas sa mga kalamidad.

Patindi na nang patindi ang mga sakuna, at wala nang paraan para makaligtas ang tao. May ilan na pinipiling manampalataya sa Diyos para maiwasan ang mga sakuna. Nananampalataya silang may Diyos, subalit wala sila ni katiting na pagmamahal sa katotohanan. Kung ang gayong mga tao ay mananampalataya sa Diyos, dapat ba silang tanggapin ng iglesia? Maraming tao ang hindi malinaw na nakakikita sa isyung ito, at inaakalang sinumang nananampalataya na umiiral ang Diyos ay dapat na tanggapin ng iglesia. Isa itong napakalaking pagkakamali. Ang desisyon ng iglesia na tanggapin ang isang tao ay dapat batay sa kung kaya ba ng taong iyon na tanggapin ang katotohanan at kung siya ba ay isang pakay ng pagliligtas ng Diyos, at hindi sa kung handa ba siyang manampalataya sa Diyos. Maraming diyablo ang gustong magtamo ng mga pagpapala at humanap ng daan pasulong sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos—dapat din bang tanggapin ng iglesia ang gayong mga tao? Hindi ito tulad ng pangangaral ng ebanghelyo sa Kapanahunan ng Biyaya, noong tinanggap ang sinuman basta’t nananampalataya sila; may mga atas administratibo kaugnay sa kung sino ang tinatanggap ng iglesia sa Kapanahunan ng Kaharian. Sinupaman ang isang tao, hindi siya maaaring tanggapin kung hindi niya minamahal o tinatanggap ang katotohanan. Bakit hindi tinatanggap ang gayong mga tao? Ang pangunahing dahilan kaya hindi tinatanggap ang gayong mga tao ay dahil hindi natin makita nang malinaw ang pinagmulan nila at kung ano talagang klaseng tao sila. Kung tatanggapin ng iglesia ang isang diyablo, o ang isang masamang tao ng karumal-dumal na kabuktutan, alam ng lahat ang masasamang ibubunga nito sa iglesia. Higit pa rito, sa pananampalataya sa Diyos, dapat nating maunawaan ang Kanyang mga layunin, kung sino ang Kanyang inililigtas at kung sino ang Kanyang itinitiwalag. Anu-anong tao ang bumubuo sa iglesia? Binubuo ito ng mga taong tumatanggap sa pagliligtas ng Diyos, ng mga nagmamahal sa katotohanan, ng mga tinatanggap ng Diyos. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga hindi tunay na nananalig sa Kanya at hindi tumatanggap sa katotohanan, dahil ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay isang problema sa kalikasan ng isang tao, at ang ganitong uri ng tao ay kay Satanas at hindi kailanman magbabago. Kaya ang gayong mga tao ay hindi kailanman dapat papasukin sa iglesia. Kung papapasukin ng isang tao ang isang masamang tao, ang isang diyablo, sa iglesia, ang taong iyon ay ituturing na kampon ni Satanas. Dumating siya para sadyaing pabagsakin at wasakin ang gawain ng iglesia, at siya ay isang kaaway ng Diyos. Ang pagpapapasok sa gayong diyablo, isang kaaway ng Diyos, sa iglesia ay pagsalungat sa disposisyon ng Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo, at tiyak na hindi ito kukunsintihin ng sambahayan ng Diyos. Ang masasamang tao, ang mga diyablo, ay hindi dapat papasukin sa iglesia—ito ay isa sa malilinaw na pinaninindigan at hinihingi ng iglesia sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Wala ni katiting na responsabilidad ang iglesia na tanggapin iyong mga pinipiling manampalataya sa Diyos para makatakas sa sakuna, ni hindi nito kailanman dapat papasukin ang mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan, dahil hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Ang sinumang hindi kumikilala sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos bilang katotohanan, ang sinumang lumalaban sa katotohanan at tutol dito, sila ay ibinibilang sa masasamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ang mga kumikilala naman sa Diyos sa kanilang puso subalit hindi minamahal ang katotohanan, at ikinaklasipika bilang mga hindi mananampalataya na kumakain ng tinapay hanggang sila ay mabusog, hindi kailanman dapat tanggapin ng iglesia ang sinuman sa kanila. Hindi pa pinag-uusapan dito ang mga tao sa lipunan na gustong maghanap ng kanlungan sa iglesia—lalong hindi sila dapat tanggapin. Ito ay dahil hindi isang samahang pangkawanggawa ang iglesia kundi kung saan ginagampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa tao. Ang gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa pamahalaan ng bansa. Ang mga organisasyong panlipunan na naghihikayat sa mga tao na gumawa ng mabubuting gawa, at itigil ang kanilang pakikipaglaban—ito ay para sa kapakanan ng bansa; at wala talaga itong kinalaman sa iglesia. Kung may sinumang mangangahas na magdala sa iglesia ng isang hindi nananampalatayang masamang tao, isang diyablo, isang walang pananampalataya, ang taong iyon ay sasalungat sa disposisyon ng Diyos at lalabag sa Kanyang mga atas administratibo. Ang sinumang magdadala sa iglesia ng isang masamang tao, isang diyablo, ang taong iyon ay dapat na paalisin o patalsikin ng sambahayan ng Diyos. Ito ang malinaw na paninindigan ng iglesia pagdating sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Kapag gusto ng masasamang tao, mga diyablo, na ito na maghanap ng kanlungan sa sambahayan ng Diyos, dapat silang sabihan na mali ang pintuang pinasok nila, na mali ang lugar na pinuntahan nila. Tiyak na hinding-hindi sila tatanggapin ng iglesia. Ito ang malinaw na paninindigan ng iglesia pagdating sa mga walang pananampalataya na gustong maghanap ng kanlungan. Nalinaw na ba ito? (Oo.) Kung gayon, paano natin pangangasiwaan ang gayong mga tao? Ano ang angkop na paraan para sabihin sa kanila? Sabihin mong: “Saanmang bansa, may mga samahang Red Cross, mga institusyong pangkapakanan, mga kanlungan, at mga templong Budista, gayundin ang ilang boluntaryong grupo sa lipunan. Kung mahaharap ka sa mga problema at pakiramdam mo ay may mga hinaing kang dapat matugunan, maaari kang humingi ng tulong sa mga organisasyong ito. Dagdag pa rito, maaari kang humingi ng politikal na asilo o asilo para sa mga takas mula sa pamahalaan, at kung pahihintulutan ng iyong kondisyong pinansiyal, maaari kang kumuha ng abogado para tulungan ka sa iyong kaso. Subalit ito ay ang iglesia; ito ay isang lugar kung saan gumagawa ang Diyos, isang lugar kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao, hindi isang lugar para sa iyo para maghanap ng kanlungan. Kaya, ang pagpasok mo sa iglesia ay hindi nararapat, at walang silbi ang pananatili mo rito. Hindi tinatanggap ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi rin sila tinatanggap ng iglesia. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ang mga walang pananampalataya, dapat silang humingi ng tulong mula sa mga organisasyong pangkawanggawa, mga organisasyong nagbibigay ng tulong, o mga tanggapan ng mga Usaping Sibil sa lipunan—nakatuon ang mga organisasyong ito sa paglilingkod sa mga tao, pagbibigay ng kawanggawa at pagtulong sa iba. Anuman ang mga reklamo o kahilingan na mayroon ka, maaari mong sabihin sa kanila o maaari kang magpetisyon sa pamahalaan. Ang mga iyon ang mga pinakaangkop na lugar para sa iyo." Hindi tinatanggap ng iglesia ang sinuman sa mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Kung ang isang tao ay partikular na "mapagmahal," hayaan silang personal na tanggapin ang gayong mga tao at gawin na iyon; maaari nilang pastulin ang gayong mga tao sa sarili nila, at hindi makikialam dito ang sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilang tao na, “Bakit nangangaral ang iglesia ng ebanghelyo kung gayon? Ano ang pakay sa pangangaral ng ebanghelyo?” Ang pangangaral ng ebanghelyo ay atas ng Diyos. Ang mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo ay iyong mga naghahanap sa Diyos at naghahanap sa tunay na daan, na nananabik sa pagpapakita ng Diyos, na nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap sa katotohanan, at na tunay na nananampalataya sa Diyos—sa mga taong ito lang maaaring ipangaral ang ebanghelyo. Tungkol naman sa mga hindi naghahanap sa Diyos, na hindi pumupunta para tanggapin ang katotohanan kundi para maghanap ng kanlungan, ang ebanghelyo ay hindi ipinangangaral sa kanila. May ilang tao na magulo ang pag-iisip na hindi makaunawa sa usaping ito at nalilito kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa kanila—ito ang mga taong magulo ang pag-iisip na hindi kailanman makauunawa sa mga layunin ng Diyos.

G. Para Maghanap ng Tagasuporta

Ang ikapitong pakay ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta. Nakakita na ba kayo kahit kailan ng gayong mga tao? Medyo espesyal na sitwasyon ito; bagaman hindi sila marami, tiyak na umiiral sila. Ito ay dahil hindi lang sa Tsina lumitaw ang mga iglesia ng Diyos, kundi pati na rin sa Asya, Europa, Amerika, at iba’t ibang bansa sa Africa, at kaya lilitaw kasama ng mga ito ang mga oportunista at mga hindi mananampalataya. Gaano man kataas ang posibilidad na lumitaw ang mga taong ito, sa anumang kaso, kapag lumitaw na sila, dapat ninyong harapin sila at kilatisin sila, at huwag hayaang makakuha ang mga hindi mananampalatayang ito ng anumang katayuan o lumikha ng mga kaguluhan sa iglesia. Kung akala ninyo na hindi umiiral ang mga problemang ito dahil hindi lumitaw ang mga ito o hindi ninyo nakatagpo ang mga ito, isa itong kahangalan. Kapag lumitaw ang mga problemang ito, kung wala kang pagkilatis at hindi mo alam kung paano lulutasin ang mga ito, magdadala ang mga ito ng malalaking nakatagong panganib sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, sa mga kapatid, at sa gawain ng iglesia. Kaya, bago pa may mangyaring anuman, kailangan mong malaman kung anong mga isyu ang dapat harapin at kung paano lutasin ang mga ito. Ito ang pinakamabuting paraan; nagsisilbi ito bilang di-nakikitang proteksiyon para sa iyo. Ang mga tao na binanggit sa ikapitong pakay sa pananampalataya sa Diyos, iyong mga nananampalataya sa Diyos para maghanap ng tagasuporta, ay hindi lang iilan. Ang lipunang ito ay puno ng kawalang-katarungan, diskriminasyon, at pang-aapi kahit saan. Ang mga tao na namumuhay sa lahat ng antas ng lipunan ay puno ng pagkasuklam at pagkamuhi sa iba’t ibang kawalang-katarungan sa lipunan at puno rin sila ng galit. Gayumpaman, hindi madaling makatakas sa mga kawalang-katarungan ng mundo ng tao maliban kung maglalaho ka mula rito. Hangga’t nabubuhay ang isang tao sa mundong ito, hangga’t nabubuhay siya kasama ng mga taong ito, siya ay— bahagya man o higit pa, at sa iba’t ibang antas—maaapi at mapapahiya, at maaari pa ngang tugisin at usigin ng ilang makapangyarihang puwersa. Ang iba’t ibang kawalang-katarungan at hindi pagkakapantay-pantay na ito ay nagdulot ng malaking stress sa isipan ng mga tao, nagdadala sa kanila ng matinding sikolohikal na presyur at, siyempre, maraming abala sa normal na pamumuhay ng mga tao. Bilang resulta, may ilang tao na hindi maiwasang makabuo ng isang partikular na ideya: "Para maitaguyod ng isang tao ang sarili niya sa lipunan, dapat magkaroon siya ng puwersa sa likod niya na masasandalan. Kapag nahaharap siya sa mga paghihirap at nangangailangan ng tulong, o kapag mag-isa siya at walang magawa, magkakaroon siya ng isang grupo ng mga tao na susuporta sa kanya at gagawa ng mga desisyon, para lutasin ang mga paghihirap at problema na kanyang kinakaharap, o para tiyakin ang mga pangangailangan niya sa buhay.” Samakatwid, nagsusumikap silang maghanap ng gayong suporta. Siyempre, nahahanap ng ilan sa mga taong ito sa kalaunan ang iglesia. Naniniwala sila na ang mga tao sa iglesia ay nagkakaisa sa puso at gumagawa para sa iisang layon, ang bawat isa ay may pananalig, nagtataglay ng mabubuting layunin at nakikitungo nang mabuti sa iba, umiiwas sa mga tunggaliang panlipunan, at inilalayo ang sarili nila sa masasamang kalakaran ng lipunan. Para sa mga nananampalataya sa Diyos, walang duda na ang iglesia ay isang simbolo ng dakilang katarungan sa lipunang ito at sa mundo; ang mga tao sa iglesia ay mayroon ding positibo, mabuti, at mabait na imahe sa isipan ng mga tao. May ilang pinipili na manampalataya sa Diyos dahil nasa pinakamababang antas sila ng lipunan, walang anumang kapangyarihan sa lipunan at ganap na walang magandang background ng pamilya. Nahaharap sila sa iba’t ibang paghihirap sa pagkuha ng edukasyon, pakikipagkaibigan, paghahanap ng mga trabaho, o paggawa ng iba’t ibang bagay, kaya naniniwala sila na para makaraos at maitaguyod ang sarili nila sa lipunan, kailangan nila ng ilang tao na tutulong sa kanila. Halimbawa, kapag naghahanap ng trabaho, kung aasa lang sila sa sarili nila, susuyurin ang bawat oportunidad sa trabaho nang walang tiyak na direksiyon, maaaring halos maubos nila ang kanilang mga ipon nang hindi naman nakahahanap ng angkop na trabaho. Subalit kung matutulungan sila sa kanilang paghahanap ng ilang maaasahang tao na taos-pusong tumutulong sa kanila, mas kaunti ang kailangan nilang pagdaanang mga suliranin, at mababawasan nang malaki ang oras na gugugulin nila sa paghahanap ng trabaho. Samakatwid, naniniwala sila na kung makahahanap sila ng gayong tagasuporta, pagdating sa lahat ng bagay na kailangan nilang harapin sa lipunan—pagkuha ng edukasyon, paghahanap ng trabaho, pati na rin ang kanilang pang-araw-araw na buhay at pananatiling buhay—magkakaroon sila ng ilang tao na gagamit ng mga koneksiyon para sa kanila at susuporta sa kanila, isang grupo ng masisigasig na tao na tumutulong sa kanila nang hindi nakikita ng iba. Kaya, nang natagpuan nila ang iglesia, pakiramdam nila ay nahanap nila ang tamang lugar. Ang iglesia ay nagiging isang napakagandang pagpili para sa kanila para itaguyod ang sarili nila sa lipunan at magkamit ng mapayapang buhay. Halimbawa, kailangan man nilang magpatingin sa doktor, mamili, bumili ng insurance, bumili ng bahay, tumulong sa kanilang mga anak sa pagpili ng mga paaralan, o maging sa pangangasiwa ng anumang usapin, palagi silang makahahanap ng mga mapagmahal na tao sa iglesia na tutulong sa kanilang lutasin ang mga isyung ito. Sa ganitong paraan, nagiging mas magaan ang kanilang buhay, hindi na sila nag-iisa sa lipunan, at mababawasan nang malaki ang mga paghihirap sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay. Samakatwid, para sa kanila, ang pagpunta sa iglesia para manampalataya sa Diyos ay talagang nagbibigay ng mga kongkretong benepisyo. Kahit kung pupunta sila sa doktor, maghahanap ang mga kapatid ng mga kakilala sa ospital para matulungan sila; magagamit nila ang mga ito para makakuha ng pinakamagagandang alok sa mga bilihin, at maging ang bumili ng mga bahay sa presyo ng tagaloob. Sa tulong ng mga kapatid sa iglesia, nalutas ang lahat ng problemang ito. Pakiramdam nila, “Napakabuti ang manampalataya sa Diyos! Madali na lahat ngayon ang paghahanap ng trabaho, pag-aasikaso sa mga usapin, at pamimili! Tuwing may kailangan akong isang bagay, kailangan ko lang tumawag o magpadala ng mensahe sa grupo, at ang lahat ay nagsasanib-puwersa para tumulong. Napakaraming mabuting tao sa iglesia; napakadaling mag-asikaso ng mga bagay-bagay! Hindi madaling makahanap ng isang tagasuporta, kaya hindi ko iiwan ang iglesia anuman ang mangyari. Subalit ang mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay palaging kinapapalooban ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan, na nagdudulot sa akin na maasiwa at malito. Ayaw kong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at nakararamdam ako ng pagtutol sa tuwing naririnig ko ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Subalit kung hindi ako makikinig, hindi iyon uubra—hindi ko sila maaaring iwan. Napalaki ng itinutulong nila sa akin. Kung tatanggi akong makinig, mahihiya ako, at magiging asiwa ring sabihin na hindi na ako nananampalataya, kaya kailangan ko lang na magpatuloy at magsabi ng magagandang bagay." Sa puso nila, hindi talaga nila gustong manampalataya, subalit wala silang magawa kundi itago ang damdaming ito. Sinasabi ng ilang tao na, “Nakikita mo lang sila na palaging humihingi sa mga kapatid na asikasuhin ang mga bagay-bagay, at parang napakasaya nila kapag tumutulong ang mga kapatid—makikilatis mo batay lang dito na ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta? Maliban sa mga pagpapamalas na ito, tingnan mo kung madalas ba silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa katotohanan, kung maisasakatuparan ba nila ang kanilang tungkulin at may anumang mga tunay na pagbabago; maipaaalam nito sa iyo kung taos-puso ba silang nananampalataya sa Diyos. Iyong mga naghahanap ng tagasuporta ay nananampalataya sa Diyos para lang gamitin ang iglesia at ang mga kapatid para asikasuhin ang mga bagay-bagay para sa kanila at lutasin ang mga paghihirap sa buhay nila. Subalit hindi nila kailanman binabanggit ang paggawa ng tungkulin nila, ni hindi sila kumakain at umiinom o nakikipagbahaginan ng mga salita ng Diyos. Sa sandaling marinig nila ang tungkol sa ilang mahusay na paraan para magawa ang mga bagay-bagay, labis silang nasasabik; nagsisimula silang dumaldal nang walang tigil at ni hindi mapahinto. Subalit pagdating sa paggawa ng tungkulin o pagiging matapat at hindi pagsisinungaling o panloloko sa iba, nananahimik sila. Hindi sila interesado sa mga bagay na ito sa kanilang puso—gaano ka man kasidhi magsalita, wala silang tugon at hindi nakikilahok; patuloy pa nga nilang sinusubukang patigilin ka at ilihis ang paksa patungo sa isang bagay na interesado sila. Pinag-iisipan nilang mabuti kung paano mauudyukan ang mga kapatid ng gumawa ng mga bagay-bagay para sa kanila at magsikap para sa kanila, ayaw bigyan ang mga kapatid ng pagkakataon na banggitin ang tungkol sa paggawa ng tungkulin o paggugol ng sarili para sa Diyos. Kung may sinumang magmumungkahi na gawin nila ang kanilang mga tungkulin at gugulin ang sarili nila para sa Diyos, mabilis silang nakahahanap ng sarili nilang agarang usapin para ialok bilang kapalit; habang inaasikaso ng mga kapatid ang usaping ito para sa kanila, medyo nagsisikap sila nang may pag-aatubili para sa sambahayan ng Diyos, tinutugunan ang kahilingan ng mga kapatid kahit papaano, at kapag naayos na ang kanilang personal na usapin, nanlalamig sila sa mga kapatid. Para mapanatili ang pakikipag-ugnayan sa iglesia, para hindi mawala ang tagasuportang ito na ang iglesia at ang mga katulong na ito na ang mga kapatid, pinananatili nila ang malapit na pakikipag-ugnayan sa lahat ng kapaki-pakinabang para sa kanila, madalas na may pagmamalasakit na nagtatanong tungkol sa mga ito, nagsasabi nang may mga pagsasaalang-alang at hindi tapat na mga salita para panatilihin ang mga relasyon. Nagsasalita sila tungkol sa kung gaano sila nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, kung gaano sila pinagpapala ng Diyos, kung gaano karaming biyaya ang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila, at kung gaano sila kadalas lumuluha, nakararamdam ng pagkakautang sa Diyos at handang suklian ang pagmamahal ng Diyos—ito ay para linlangin ang mga kapatid at makamit ang kanilang tulong. Kapag hindi na kapaki-pakinabang gamitin ang isang tao, kaagad nilang bina-block at binubura ang impormasyon sa pakikipag-ugnayan dito. Masigasig silang nanlalangis, pumapabor, at lumalapit sa mga tao na pinakakapaki-pakinabang sa kanila, sa mga tao na pinakakapaki-pakinabang na gamitin. Pagdating naman sa mga tao na hindi kapaki-pakinabang na gamitin, iyong mga, katulad nila, ay wala ring impluwensiya o katayuan sa lipunan at nasa pinakamababang antas din ng lipunan na walang sinumang maaasahan, ni hindi nila tinitingan ang mga ito. Eksklusibo silang nakikisalamuha sa mga taong kapaki-pakinabang na gamitin at may mga koneksiyon sa lipunan, iyong mga sa tingin nila ay may kakayahan. Maaari lang silang magsikap at magtiis ng paghihirap para sa iglesia kapag may kailangan sila sa iglesia o sa mga kapatid. Sa katunayan, ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya ng gayong mga tao ay halatang-halata. Sa bahay, hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nananalangin sa Diyos kapag walang mga paghihirap, at nakikilahok sa buhay-iglesia nang may labis na pag-aalangan. Hindi nila hinihinging gumawa ng mga tungkulin at hindi sila nagkukusa na isali ang sarili nila sa mga gawain ng iglesia; lalong hindi sila kailanman lumalahok sa mapanganib na gawain. Kahit pa pumayag silang gawin ito, nagpapakita sila ng matinding kawalang-pasensiya, at tanging kapag tinawag o inanyayahan lang na magsisikap sila nang bahagya. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang hindi paggawa ng tungkulin—kahit na may pag-aatubili silang lumalahok sa buhay-iglesia, ito ay para maiwasang mawala ang komunidad ng mga kapatid sa iglesia, ang isang malaking tagasuporta nila. Pinananatili nila ang mga relasyon nila sa mga taong ito para lang mapadali para sa kanila na asikasuhin ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Sa sandaling ang gayong mga tao ay magkamit ng posisyon sa lipunan at magkaroon ng isang lugar para panirahan at simulan ang buhay nila, at kapag nagtagumpay na sila sa mundo at nagkamit ng impluwensiya at mga pagkakataon para sa isang maningning na hinaharap, mabilis at walang alinlangan na nilang iiwan ang iglesia, puputulin ang ugnayan sa mga kapatid, at hindi na makokontak. Kung may potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may magandang relasyon sa kanila at gusto mong makipag-ugnayan sa kanila para ipangaral ang ebanghelyo sa taong iyon, hindi mo sila makakausap. Hindi lang nila pinuputol ang ugnayan nila sa iglesia kundi winawakasan rin nila ang mga pagkakaibigan nila sa mga partikular na tao. Hindi ba’t malinaw na inilantad na nila ang sarili nila bilang mga hindi mananampalataya? (Oo.) Kaya paano dapat pangasiwaan ng iglesia ang gayong mga tao? (Paalisin sila.) Dapat ba natin silang bigyan ng pagkakataon, pakitaan ng pang-unawa sa kanilang kahinaan at sa mga paghihirap sa buhay nila, at higit pa silang suportahan at tulungan para magawa nilang manampalataya na umiiral ang Diyos, maging interesado sa katotohanan, at taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Diyos? Kailangan bang gawin ang gawaing ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil hindi naman talaga narito ang mga tao na ito para manampalataya sa Diyos.) Tama iyan, hindi sila naparito para manampalataya sa Diyos; napakalinaw ng layon nila—narito sila para maghanap ng tagasuporta. Kaya, magdudulot ba anumang resulta ang pakikipagbahaginan ng katotohanan sa gayong mga tao? (Hindi.) Hindi nila ito tatanggapin; hindi nila ito pinahahalagahan, hindi nila ito kailangan, at wala silang interes dito.

Paano natin dapat ilarawan iyong mga nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta? Napakaangkop na ilarawan sila bilang mga tao na inuuna ang sarili nilang mga interes kaysa sa anumang bagay. Hangga’t nakikita nilang may silbi at may pakinabang ang isang tao sa kanila, gagawin nila ang anumang hinihingi ng taong iyon; susundin pa nga nila ang lahat ng utos na ibinibigay nito. Inuuna nila ang sarili nilang mga interes higit sa lahat; hangga’t natutugunan ng isang bagay ang mga interes nila, ayos lang iyon. Kung sasabihin mo sa kanila na ang pananampalataya sa Diyos ay magdadala sa kanila ng mga pagpapala at benepisyo, tiyak na mananampalataya sila sa Kanya at gagawin ang anumang ipagagawa mo sa kanila. Hangga’t ang abilidad mo na mag-asikaso ng mga bagay-bagay sa lipunan ay tumutugon sa mga pangangailangan nila at nagpapahintulot sa kanilang makinabang, tiyak na makikisalamuha sila sa iyo. Gayumpaman, ang pakikisalamuha nila sa iyo ay hindi nangangahulugan na tunay silang makakapanampalataya sa Diyos, o na taos-puso nilang gugugulin ang sarili nila para sa Diyos tulad ng ginagawa mo. Kahit nakakasundo mo sila at mayroon kayong partikular na magandang relasyon, hindi talaga ibig sabihin nito na pareho kayo ng pananaw, sumusunod sa parehong landas, o may mga parehong hinahangad. Kaya, hindi ka dapat mailihis ng gayong mga tao. Ang mga taong ito ay tuso at may mga taktika para sa pakikisalamuha sa ibang tao. Ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta, at hindi para hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Ipinapakita nito kung gaano kababa at kadilim ang karakter nila! Nagtutungo sila sa iglesia para maghanap ng mga tao na masasamantala nila, nakikipagsabwatan para makamit ang iba’t ibang benepisyo para sa sarili nila. Hindi ba’t ibig sabihin nito na ang gayong mga tao ay may kakayahang kumilos nang walang pag-aalinlangan at gumawa ng iba’t ibang uri ng kahiya-hiyang bagay? (Oo.) Batay lang sa katunayan na ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta at magkaroon ng kabuhayan, malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito, at mababa ang kanilang karakter, makasarili, kasuklam-suklam, at karumal-dumal, namumuhay sa matinding kadiliman. Samakatwid, ang prinsipyo ng iglesia sa pangangasiwa sa kanila ay ang kilatisin din sila at pagkatapos ay paalisin o patalsikin sila. Kapag nakilatis mo nahindi sila mga totoong mananampalataya, na nagtungo sila sa iglesia para maghanap ng daan palabas at manamantala, nagnanais na abusuhin ang mga kapatid para asikasuhin ang mga bagay-bagay at magserbisyo sa kanila, kung gayon, sa gayong mga kaso, dapat kaagad at tumpak na pangasiwaan ng mga lider at mga manggagawa at ng mga kapatid ang sitwasyon. Nang hindi inilalagay sa panganib ang kaligtasan ng iglesia o ng mga kapatid, paalisin sila o patalsikin sila sa lalong madaling panahon. Hindi sila dapat pahintulutang magpatuloy na magtago sa piling ng mga kapatid. Hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Kapag nagtatago sa piling ninyo ang gayong mga tao, palagi silang nagpapanatili ng mapag-imbot at mapagmatayag na tingin sa lahat para makita kung sino ang kapaki-pakinabang na gamitin. Palagi silang nagkakalkula kung may mga tao sa iglesia na magagamit nila—sino ang may mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ospital, sino ang marunong magpagaling ng mga sakit o may mga lihim na lunas, sino ang makakukuha ng mga mas murang presyo sa mga tindahan, aling pamilya ng kapatid ang nagpapatakbo ng tindahan ng kotse, sino ang makakukuha ng mga presyo sa mga bahay na para sa tagaloob—partikular nilang inimbestigahan ang mga bagay na ito. Metikuloso ang mga taong ito sa kanilang mga kalkulasyon! Kinakalkula nila maging ang maliliit na bagay, at gusto rin nilang magpakana laban sa mga kapatid, at magplano na samantalahin sila. Iniimbestigahan nila ang background ng pamilya ng lahat at pinananatili ang lahat sa loob ng saklaw ng kanilang mga pakana at pakikipagsasabwatan. Mapapayapa ba ang inyong puso kapag nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao? (Hindi.) Ano ang dapat gawin kung walang kapayapaan? Dapat kayong mag-ingat laban sa gayong mga tao. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos nang may mga lihim na motibo; hindi sila naririto para hangarin ang katotohanan o ang kaligtasan, kundi para maghanap ng tagasuporta, isang kabuhayan, at isang daan palabas para sa sarili nila. Ang gayong mga tao ay partikular na makasarili, kasuklam-suklam, at mapanlinlang. Hindi sila gumagawa ng anumang tungkulin o ginugugol ang sarili nila para sa Diyos. Kapag kailangan sila ng iglesia para sa isang bagay, hindi sila matagpuan kahit saan, subalit muli silang lumilitaw kapag tapos na ang usapin. Alam lang ng mga taong ito na manamantala, at walang silbi na hayaan silang manatili sa iglesia; dapat gamitin ang iba’t ibang paraan para alisin sila sa lalong madaling panahon. Sinasabi ng ilang tao na, "Kinakailangan ba talaga nito ang iba’t ibang paraan para pangasiwaan ang isang tao?" Ang iglesia ay may lahat ng uri ng mga tao; marami sa kanila ang nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta at ng daan palabas, para magtamo ng mga pagpapala, o para maiwasan ang mga kalamidad. Ang kalubhaan lang ng mga motibong ito ang nag-iiba; may ilang tao na nagpapakita ng isang uri ng pag-uugali, habang ang iba ay nagpapakita ng iba pa. Samakatwid, ang iba’t ibang tao ay dapat tratuhin nang magkakaiba; ito lang ang umaayon sa mga prinsipyo. Para sa mga hindi nananampalataya na ito na naghahanap ng tagasuporta, dapat silang alisin kaagad. Huwag silang hayaang magpabigat sa iglesia. Hinihingi nila sa mga kapatid na asikasuhin ang mga bagay-bagay para sa kanila—dahil talagang nangangailangan lang ng kaunting pagsisikap para tulungan silang asikasuhin ang mga bagay-bagay, bakit hindi sila dapat bigyan maging ng kaunting tulong na ito? Ang unang punto ay, mahalaga, na ang mga taong ito ay mga hindi totoong mananampalataya; sila ay mga ganap na hindi mananampalataya. Ang ikalawang punto ay na ang mga taong ito ay hindi maaaring magbago mula sa hindi pananampalataya tungo sa pagiging mga totoong mananampalataya. Hindi sila ang mga taong paunang itinadhana at pinili ng Diyos; hindi sila ang mga pakay ng Kanyang pagliligtas—sa halip, sila ay mga taong gumagawa ng masama na nakapasok sa iglesia. Ang ikatlong punto ay na nagkukumahog ang mga taong ito sa buong iglesia, palaging humihingi ng tulong mula sa mga kapatid gaano man kalaki ang isyu na kanilang kinakaharap, na di-halatang nanliligalig sa mga kapatid at kasabay nito ay lumilikha ng isang lubhang negatibong kapaligiran sa iglesia na nakasasama sa lahat. Samakatwid, pinakamabuti na alisin ang mga diyablong ito na nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta sa lalong madaling panahon. Kung hindi mo pa sila natutukoy o nakikilala na ganitong klaseng tao sila, maaari mo silang panatilihin para sa pagmamasid. Kapag nakilatis at naunawaan mo na sila ay kabilang sa iba’t ibang masamang tao na kailangang alisin ng sambahayan ng Diyos, huwag mag-atubili o pakitaan sila ng anumang paggalang. Pagkatapos makipagtalakayan sa lahat at makaabot sa isang konsensus, maaari mo silang alisin. Kung hindi pinapansin ng mga lider at mga manggagawa sa iglesia ang usaping ito, hangga’t kinukumpirma ng nakararami sa mga kapatid na ang mga ito ay ang klase ng tao na nananampalataya sa Diyos para maghanap ng tagasuporta at daan palabas, may karapatan kayong direktang alisin ang mga ito nang hindi dumaraan sa mga huwad na lider. Ang paggawa nito ay tama at ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay karapatan ninyo, obligasyon ninyo, responsabilidad ninyo; ito ay para sa sarili ninyong proteksiyon. Siyempre, kapag ang mga kapatid na mga totoong mananampalataya ay nahaharap sa mga paghihirap, may responsabilidad at obligasyon tayo na gawin ang lahat para tulungan sila sa abot ng ating makakaya, sa pamamagitan man ng mapagmahal na tulong at suporta, o sa pamamagitan ng materyal na tulong. Ito ang pagmamahalan ng magkakapatid, ang pagmamahal niyong mga nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, wala tayong responsabilidad o obligasyon na magsagawa ng pagtulong sa mga hindi mananampalataya dahil hindi sila mga kapatid at hindi karapat-dapat sa biyayang ito o sa gayong tulong. Ito ay ang pagtrato sa mga tao ayon sa mga prinsipyo. Dito nagtatapos ang pagbabahagi natin tungkol sa ikapitong pakay sa pananampalataya sa Diyos. Hindi na kailangang magbigay pa ng mas partikular na mga halimbawa tungkol sa mga ganitong uri ng tao. Sa madaling salita, ang sinumang ang pakay sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta ay isang taong dapat paalisin o patalsikin sa iglesia. Kapag nakilatis ng mga lider at mga manggagawa na may gayong mga tao sa iglesia, dapat nilang kaagad na paalisin ang mga ito. Paalisin ang bawat isang mahahanap mo, walang iiwang sinuman. Kung ang karamihan sa mga kapatid ay naligalig na hanggang sa puntong wala na silang magawa at hindi na makayanan pang tiisin ito, at patuloy pa rin silang ipinagtatanggol ng mga lider at mga manggagawa sa pagsasabing, “Mayroon silang mga paghihirap; dapat natin silang tulungan,” ang gayong mga lider ay dapat sabihan na: “Hindi talaga sila mga totoong mananampalataya ng Diyos. Binabalewala nila ang sinumang nagbabahagi sa kanila ng mga salita ng Diyos at tumatangging gawin ang kanilang tungkulin kapag sinabihan. Hindi sila kailanman nagkaroon ng anumang layunin na gugulin ang sarili nila para sa Diyos, at gusto lang nilang gamitin ang mga kapatid para asikasuhin ang mga usapin nila. Wala tayong responsabilidad o obligasyon na tulungan ang gayong mga hindi mananampalataya!” Kahit na hindi sumang-ayon ang lider ng iglesia, may karapatan kayong sumama sa karamihan para paalisin ang mga hindi mananampalataya sa iglesia. Kung hindi pa rin sumang-ayon ang lider ng iglesia sa puntong ito, iulat pataas ang usaping ito; ibukod ang lider at hayaan siyang magnilay. Maaari ninyo muling tanggapin ang kanyang pamumuno kapag sumang-ayon na siya. Kung patuloy siyang hindi sasang-ayon, maaari ninyo siyang tanggalin at muling maghalal ng isang bagong lider. Ito ang ikapitong pakay sa pananampalataya sa Diyos: para maghanap ng tagasuporta.

H. Para Hangarin ang mga Pampolitikang Layunin

Sunod, magbabahagi tayo tungkol sa ikawalong pakay: pananampalataya sa Diyos nang may mga pampolitikang pakay at mga pampolitikang layunin. Ang posibilidad ng paglitaw ng gayong mga indibidwal ay hindi napakataas, subalit gaano man ito kaposible, hangga’t may pagkakataong lilitaw ang mga taong ito, dapat nating itala ang mga halimbawa nila, at ilantad sila, magbahagi tungkol sa kanila, at bigyang-depinisyon sila. Dapat nating gawin ito para magkaroon ang lahat ng pagkilatis sa kanila, at pagkatapos ay mapapaalis sila sa lalong madaling panahon, sa gayon ay mapipigilan ang pagdudulot ng suliranin at panganib sa iglesia at sa mga kapatid. Ginagawa ito para protektahan ang iglesia at ang mga kapatid. Samakatwid, iyong mga nananampalataya sa Diyos nang may mga pampolitikang layunin ay mga tao na dapat nating kilatisin at pag-ingatan, at sila rin ay masasamang tao na dapat paalisin ng iglesia sa lalong madaling panahon. Ano ang mga pagpapamalas niyong may mga pampolitikang layunin? Hindi nila sasabihin sa iyo ang mga tunay nilang iniisip. Hindi nila malinaw na sasabihin na, “Interesado lang ako sa politika, gusto kong lumahok sa politika, kaya nananampalataya ako sa Diyos nang may mga pampolitikang layunin at mga pampolitikang pakay, at hindi para sa iba pang dahilan. Maaari ninyo akong pangasiwaan paano ninyo man dapat." Sasabihin ba nila ito? (Hindi.) Kaya, ano ang mga pagpapamalas na mayroon sila na magpapahintulot sa iyo na makilatis na sila ay may mga pampolitikang layunin? Ibig sabihin, anong mga salita ang sinasabi nila, anong mga bagay ang ginagawa nila, anong mga ekspresyon, mga tingin sa mata, at mga tono ng pananalita ang sapat para sa iyo para makumpirma na ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi dalisay? Anuman ang sabihin o gawin nila, itinatago nila ang mga bagay-bagay sa kanilang puso, at walang makaarok ng mga ito. Mayroon silang espesyal na pagkakakilanlan at pinagmulan; mula sa kanilang pananalita at pag-uugali, makikita na mayroon silang mga pakana at plano, at ang paraan nila ng pananalita at paggawa ng mga bagay ay estratehiko. Kapag nagsasalita sila, hindi maaarok ng karaniwang tao ang mga tunay na motibo o kaisipan nila, at hindi alam kung bakit sinasabi nila ang mga bagay na ginagawa nila. Bagaman sa panlabas ay hindi nagpapakita ng poot o panghuhusga ang mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos o sa pagbabahaginan ng katotohanan, at maaari pa ngang magpakita ng kaunting pagkagiliw sa mga bagay na ito, mararamdaman mo lang na kakaiba sila—naiiba sila sa ibang mga kapatid at medyo di-maarok. Ano ang karaniwang ginagawa mo sa mga taong medyo di-maarok? Nag-iingat ka lang ba laban sa kanila sa isang simpleng paraan? O nagkukusa ka para imbestigahan sila at alamin kung ano talaga ang nangyayari sa kanila? (Dapat natin silang pagmasdan.) Anuman ang ginagawa ng isang tao, ang pakay at mga layunin niya ay karaniwang hindi madaling nailalantad sa loob ng maikling panahon. Subalit habang mas maraming oras ang lumilipas—maliban kung ganap silang walang gagawing anuman—kapag kumikilos sila, tiyak na mailalantad nila ang kanilang tunay na layunin. Pagmasdan at hanapin ang mga palatandaan mula sa maliliit na detalye—maaari mong matuklasan ang ilang impormasyon at mga palatandaan mula sa kanilang pananalita at pag-uugali, mula sa intensiyon at direksiyon ng kanilang mga pagkilos, at mula sa mga salita at tonong ginagamit nila kapag nagsasalita. Ang kakayahang gawin ito ay nakasalalay sa kung ikaw ba ay metikuloso at kung may partikular na antas ka ng talino at kakayahan. Hindi magawang makilala ng ilang hangal ang panganib at kalupitang umiiral sa lipunan ng tao; sinuman ang kanilang nakakaharap, palagi silang gumagamit ng parehong paraan para makisalamuha sa mga ito. Bilang resulta, kapag nakakaharap nila ang mga tuso at mapanlinlang na politiko na may mga pampolitikang layunin, madali silang nagiging mga Hudas at mga kasangkapan para ipagkanulo ang iglesia, at di-namamalayang gumagawa ng mga hangal na bagay na bumibitag sa iglesia.

Ano nga bang mga pagpapamalas mayroon ang mga taong ito na may mga pampolitikang layunin? May isang partikular na panlipunang background ang mga taong ito; sila ay mga indibidwal na nakikihalubilo sa mga samahang politikal. Anuman ang katayuan nila sa mga samahang politikal, sila man ay mga opisyal, gumagawa ng mga kaswal na trabaho, o naghahanda na magkaroon ng katayuan sa mga samahang politikal, sa madaling sabi, ang mga taong ito ay may politikal na background sa lipunan; ito ay isang komplikado at espesyal na sitwasyon. Hindi mahalaga kung nananampalataya man ang mga taong ito sa pag-iral ng Diyos, batay sa mga hangarin nila, sa mga landas na tinatahak nila, at sa kalikasang diwa nila, maaari ba na ang mga taong ito ay maging iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? Maaari ba silang magbago mula sa mga hindi mananampalataya, mula sa mga politikong masigasig sa politika, tungo sa mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Sigurado ka? O mayroon bang posibilidad? (Ganap na wala.) Tiyak na imposible ito. Ang pananampalataya sa Diyos at ang politika ay dalawang magkaibang landas; nabubuo ang dalawang landas na ito sa magkasalungat na direksiyon, walang mga pagkakatulad, at ganap na hindi maaaring magkasalubong. Ganap na magkakaibang landas ang mga ito. Samakatwid, iyong may mga pampolitikang layunin o pagmamahal at na masigasig sa politika, kahit na nananampalataya sila sa Diyos nang walang anumang mga tahasang pampolitikang pakay, ay nagkikimkim pa rin ng iba pang mga pakay; at tiyak na ang pakay nila ay hindi para makamit ang katotohanan o maligtas. Kahit papaano, matutukoy na hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Kinikilala lang nila ang alamat na may Diyos subalit hindi nila kinikilala ang pag-iral ng Diyos o ang katunayan na ang Diyos ay ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya, ang mga taong ito ay hindi kailanman magbabago mula sa mga hindi mananampalataya na masigasig tungkol sa politika tungo sa mga totoong mananampalataya na nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, kayang tumanggap sa gawain ng Diyos, at tumatanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos.

Ano ba talagang mga pakay mayroon ang mga walang pananampalatayang ito na may mga pampolitikang layunin sa pananampalataya sa Diyos? Nauugnay ito sa kanilang mga paghahangad at sa mga propesyong nilalahukan nila. Halimbawa, may ilang tao na palaging may mga partikular na personal na hinihingi sa loob ng isang samahang politikal, na may mga dakilang pampolitikang layunin at adhikain, at iba pa, na—anuman ang mga ito—ay nauugnay lahat sa politika. Ano ang ibig sabihin ng "politika?" Sa madaling salita, nauugnay ito sa mga rehimen, kapangyarihan, at pamamahala. Samakatwid, ang pananampalataya nila sa Diyos na may mga pampolitikang layunin ay siyempre nauugnay sa mga pampolitikang paghahangad nila. Kaya ano ang mga layunin nila? Bakit nagugustuhan nila ang mga tao sa iglesia? Gusto nilang gamitin ang institusyon na ang iglesia, ang malaking bilang ng mga tao sa iglesia, at ang impluwensya ng mga taong ito sa iglesia mula sa iba’t ibang propesyon at antas panlipunan, para makamit ang mga layon nila. Matapos matutunan ang tungkol sa mga turo ng iglesia, ang operasyon ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, ang paraan kung paano isinasabuhay ng hinirang na mga tao ng Diyos ang buhay-iglesia, ang pagsasagawa nila ng tungkulin, at iba pa, sinusubukan nilang isama ang sarili nila sa iglesia. Pinananatili nila nang matatag sa kanilang isipan ang mga bagay tulad ng espirituwal na terminolohiya at iba’t ibang ekspresyon na madalas gamitin sa pagbabahaginan ng hinirang na mga tao ng Diyos, umaasang balang araw ay magagamit nila ang mga ito para hikayatin ang lahat na makinig sa kanila, at magamit nila, sa gayon ay makakamit ang mga pampolitikang layon nila. Katulad ng sinasabi ng mga hindi mananampalataya, pagkatapos na ang mga bagay-bagay ay namumuo sa loob ng ilang panahon, kapag kaya nilang magtaas ng bandila at mang-udyok ng mga tao na maghimagsik, mas maraming tao ang tutugon sa tawag nila at susunod sa kanila, para magkamit sila ng bahagi ng mga tao sa iglesia para maging puwersa nila para labanan ang mga karibal nila. Ang gayong mga bagay ay nangyari na ng ilang beses sa kasaysayan ng makabagong Tsina. Halimbawa, ang Rebelyong White Lotus at ang Rebelyong Taiping noong Dinastiyang Qing ay mga pangyayari kung saan ginamit ng mga tao na may mga pampolitikang layunin ang relihiyon para labanan ang pamahalaan. Ang mga turo ng kanilang mga relihiyon ay lumihissa tunay na daan at nagkaroon ng maraming kakatwa at katawa-tawang aspekto na hindi talaga tumugma sa katotohanan. Ginamit niyong may mga pampolitikang layunin ang gayong mga turo para pagkaisahin ang isipan ng mga tao, bigkisin ang kanilang isipan, at impluwensiyahan at indoktrinahan ang kanilang isipan. Sa huli, pinagsamantalahan nila ang mga taong ito na inindoktrinahan para makamit ang kanilang mga pampolitikang layon. Mula sa simula, kapag ang mga taong ito na may mga pampolitikang layunin ay nananampalataya sa Diyos, ang pangalan ng iglesia ang gusto ng mga ito. Ibig sabihin, maitatago nila ang kanilang pagkakakilanlan at ang kanilang mga layunin sa ilalim ng titulo ng institusyon na ang iglesia—ito ay isang aspekto. Ang isa pa ay iniisip nila na hangga’t ipinalalaganap nila ang mga pampolitikang pananaw sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, magiging napakadaling indoktrinahan ang mga tao sa iglesia, at na ang mga taong ito ay malamang na sasamba at makikinig sa mga sikat na tao. Dahil dito, malamang sa tingnan ng mga indibidwal na ito na may mga pampolitikang layunin ang mga tao sa iglesia bilang mga bagay na magagamit. Naniniwala sila na napakadali para sa iglesia na maging isang lugar kung saan maaari nilang itago ang kanilang pagkakakilanlan, at na ang mga miyembro ng iglesia ay mga bagay na madali nilang magagamit—sa madaling salita, ganito nila nakikita ang mga bagay-bagay. Samakatwid, ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay para umasa na balang araw, kapag nasa tuktok na sila, malalabanan nila ang mga karibal nila sa politika at magkakamit ng kapangyarihan—ito ang kanilang pampolitikang layunin. Gusto nilang gamitin ang huwad na dahilan ng pananampalataya sa Diyos para gawing bahagi ng politikal na saklaw ng impluwensiya nila ang mga taong umiidolo at sumusunod sa kanila. Sinasabi ng ilang tao na, "Maaaring mayroon silang ganitong pakay, subalit kung hindi sila gagawa ng anumang galaw, sa pinakamalala ay makikita lang natin na sila ay mga hindi mananampalataya o mga huwad na mananampalataya. Paano natin makikita na mayroon silang malinaw na mga pampolitikang pakay?" Hindi ito mahirap. Maglaan lang ng oras para magmasid. Hangga’t may mga pampolitikang layunin sila, tiyak na kikilos sila. Kung ayaw nilang kumilos, bakit pa nila pinasok ang iglesia? Kung hindi pa sila kumikilos, ito ay dahil hindi pa nila nahahanap ang pagkakataon. Kapag nagkaroon na sila ng pagkakataon, kikilos sila nang naaayon. Halimbawa, kung ang pamahalaan ay nagpapatupad ng isang maling patakaran o sinusugpo at inaaresto ang hinirang na mga tao ng Diyos, tatalakayin at kikilatisin lang ng mga kapatid ang usaping ito, at iyon na ang magiging wakas nito. Anuman ang mangyari, ang pananampalataya sa Diyos, ang paggawa ng kanilang mga tungkulin, at ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang mahalaga. Hindi nila isasakripisyo ang pangkalahatang saklaw ng sitwasyon para sa maliliit na bagay; magpapatuloy silang nananampalataya sa Diyos at ginagawa ang mga tungkulin nila sa paraang nararapat, gaya ng dati. Gayumpaman, iba ang mga tao na may mga pampolitikang layunin. Palalakihin nila ang usapin, walang pigil na ilalantad at malawakang isasapubliko ito, at desperadong gugustuhin na udyukan ang lahat na maghimagsik laban sa pamahalaan para maisulong ang mga sarili nilang pampolitikang layunin, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang kanilang mga layon. Para sa kapakanan ng pagsali sa politika, ganap nilang isinasantabi ang mga usapin ng pananampalataya sa Diyos at pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at binabalewala ang mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga layunin ng Diyos. Ganito sila kabaliw—hindi pa rin ba sila makilatis ng mga tao? Ang gayong mga indibidwal ba ay sumusunod sa Diyos o sumusunod sa politika? May ilang tao, na walang pagkilatis, na madaling nalilihis. Hindi alam ng mga taong ito na nakikibahagi sa politika kung ano ang katotohanan, at lalong hindi nila nauunawaan na ang gawain ng Diyos ay ang linisin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas. Iniisip nila na ang pakikisali sa mga karapatang pantao at sa politika ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan at pagpapasakop sa Diyos. Ang pakikisali ba sa politika at mga karapatang pantao ay nangangahulugan na ang isang tao ay may katotohanang realidad? Nangangahulugan ba ito na ang isang tao ay nagpapasakop sa Diyos? Gaano kahusay mo mang pinangangasiwaan ang mga karapatang pantao at politika, nangangahulugan ba ito na nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon? Nangangahulugan ba ito na nalinis na ang iyong ambisyon at pagnanais na humawak ng kapangyarihan? Hindi maunawaan ng maraming tao ang mga isyung ito. Mukhang Kristiyano rin si Sun Yat-sen. Noong nasa panganib siya, nanalangin siya sa Diyos para iligtas siya. Ginugol niya ang buong buhay niya sa pakikilahok sa rebolusyon—natanggap ba niya ang pagsang-ayon ng Diyos? Siya ba ay isang taong nagsagawa ng katotohanan at nagpasakop sa Diyos? Mayroon ba siyang patotoong batay sa karanasan sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos? Wala siya ng lahat ng ito. Matapos tawagin si Pablo, siya ay patuloy nanangaral ng ebanghelyo at nagdusa ng maraming paghihirap, subalit dahil hindi siya tunay na nagsisi, walang buhay pagpasok, paulit-ulit na ginawa ang mga parehong lumang pagkakasala, at itinaas at pinatotohanan ang sarili niya sa bawat pagkakataon, naging anticristo siya at pinarusahan. Anuman ang mangyari, ang pananampalataya sa Diyos nang hindi tinatanggap ang katotohanan, ang palaging paghahangad ng katanyagan at katayuan, at ang palaging pagnanais na maging isang superman o isang dakilang tao ay lubhang mapanganib. Ang lahat niyong may mga pampolitikang layunin ay mga anticristo. Hindi madaling isusuko ng mga taong ito ang pagsasakatuparan sa kanilang mga pampolitikang adhikain at palagi silang maghahanap ng mga pagkakataon para maudyukan at makuha ang mga mananampalataya bilang kanilang pampolitikang puwersa. Kung isang araw ay makikita nila na ang mga mananampalataya ay hindi madaling pagsamantalahan, na ang mga mananampalataya ay nagmamahal at naghahangad lang sa katotohanan, at na sumusunod lang ang mga ito kay Cristo at hindi sa mga tao, saka lang nila ganap na isusuko ang mga mananampalatayang ito.

Sa ugat, ang isipan ng mga tao na may mga pampolitikang layunin ay ganap na okupado ng mga ideya na may kaugnayan sa politika—kapangyarihan at impluwensiya, pamamahala, mga sabwatan, mga pamamaraan sa politika, at iba pa. Hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, kung ano ang pananalig, kung ano ang katotohanan, at lalong hindi kung paano magpasakop sa Diyos. Hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kalooban ng Langit. Ang mga prinsipyo nila sa pananatiling buhay ay “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan,” at “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay.” Samakatwid, ang subuking baguhin ang gayong mga tao ay imposible, at isa itong kahangalan. Madalas na ipinalalaganap ng mga taong ito ang mga pampolitikang pananaw sa mga kapatid sa iglesia, ibinubuyo silang makisali sa mga pampolitikang gawain at makilahok sa politika. Napakalinaw na ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay inuudyukan ng mga pampolitikang layunin. Mabilis at madaling makikilatis ng iba ang diwang ito. Ang mga tao na ito ay ganap na mangmang tungkol sa pananalig, pagtahak sa tamang landas, at pagpapasakop sa kalooban ng Langit—naniniwala sila na ang mga kaisipan at landas ng sinumang tao ay maaaring mabago gamit ang mga pampolitikang taktika, at lalong naniniwala sila na ang kapalaran ng isang tao ay maaaring mabago sa pamamagitan ng mga pamamaraan at palakad ng tao. Samakatwid, ganap na mangmang sila tungkol sa malalim subalit halatang mga usapin ng mga batas ng kalikasan na nilikha ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao; sila ay mga layko pagdating sa mga bagay na ito at hindi talaga nila maunawaan ang mga ito. Ano ang ibig kong sabihin sa pagsasabi nito? Kung makahanap ka ng sinuman na ang pakay para sa pananampalataya sa Diyos ay inuudyukan ng mga pampolitikang layunin, talagang hindi mo sila dapat subuking baguhin o hikayatin, at hindi kailangang magbahagi sa kanila ng napakaraming katotohanan. Bukod sa pag-iingat laban sa kanila, dapat mong ipaalam sa mga lider ng iglesia sa iba’t ibang antas o sa mga maaasahang kapatid ang tungkol sa mga ito sa lalong madaling panahon, at pagkatapos ay humanap ng paraan para patalsikin sila sa iglesia. Hindi ka dapat palihim at tahimik na magbantay laban sa kanila nang hindi ito ipinaaalam sa iba. Kaya, anong uri ng mga tao ang maaaring magkaroon ng kaunting pagkilatis kaugnay sa sa mahihilig magsalita tungkol sa politika at may mga pampolitikang layunin? Ito ba ay ang mas matatandang tao o ang mga mas batang tao? Ito ba ay ang mga kapatid na lalaki o babae? (Mas matatandang kapatid na lalake.) Tama iyan; ang mas matatandang kapatid na lalake, ibig sabihin, iyong mga may karanasan sa lipunan, nagkaroon ng ugnayan sa politika, o nakaranas ng politikal na pag-uusig—mga taong may pang-unawa sa mga ganitong usapin—ay may kakayahang maunawaan nang medyo malinaw ang mga isyung pampolitika. Natural, makakapagsagawa sila ng kaunting pagkilatis sa mga nakikisali sa politika, at sa partikular, kaya nilang makita ang mga ambisyon at pagnanais ng mga ito, pati na ang mga kaisipan, pananaw, ideyal, at mga adhikain ng mga ito nang medyo may kalinawan. Samakatwid, mas mabilis nilang makikilatis ang mga taong ito kumpara sa iba. Kapag nakilatis ng isang tao na ang mga taong ito ay may mga pampolitikang layunin at mga hindi mananampalataya, dapat silang mag-ingat laban sa mga ito at ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito. Kasabay nito, dapat din nilang protektahan ang mga hangal at mangmang na tao na hindi nauunawaan ang katotohanan, pinipigilan sila na malihis at mapagsamantalahan, at mula sa di-sinasadyang pagbubunyag ng ilan sa mga panloob na impormasyon ng iglesia. Kinakailangan na ipaalam sa mga lider ng iglesia at talakayin ang usaping ito sa kanila, at na ipaalam sa mas matatandang tao o iyong mga nakauunawa ng kaunting katotohanan at may kaunting tayog para mag-ingat laban sa mga taong ito na may mga pampolitikang layunin, sa lalong madaling panahon. Mahalaga na tulungan ang iba na makita nang malinaw ang diwa ng mga taong ito bilang mga hindi mananampalataya, sa gayon ay mapoprotektahan ang mga hangal at mangmang na kapatid mula sa pananamantala ng mga ito. Kung hindi mo maunawaan ang mga usaping ito at wala kang pagkilatis, kapag may nakipag-usap at nakipagdaldalan sa iyo na ilang masama, tuso, at mapanlinlang na tao, kusang-loob mong ibubunyag ang mga detalye ng iyong tunay na sitwasyon at lahat ng nalalaman mo nang hindi man lang tinatanong, di-sinasadyang nagiging isang Judas. May gayon bang mga tao? (Oo.) Kapag nagsasalita ka, hindi mo alam kung ano ang pakay na kinikimkim ng ibang tao at tinatrato siya bilang kapatid, sinasabi sa kanya ang lahat ng nasa puso mo nang hindi mo namamalayan—pagkatapos mong magsalita, hindi mo alam kung anong mga kahihinatnan ang mangyayari. Kapag nakikita mo ang iba na binabantayan ang sarili nila laban sa gayong mga tao, sinasabi mong, “Masyado kang maingat. Ano ang dapat itago sa pagitan ng magkakapatid?" Hindi mo napapagtanto kung bakit hindi nagsasalita ang iba—ito ay tinatawag na pagiging hangal.

Ang mga taong may mga pampolitikang layunin ay tiyak na mga hindi rin mananampalataya dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Kahit na nananampalaya sila sa Diyos, sila ay ganap na nabibilang sa kategorya ng masasamang tao na mga anticristo. Sa katunayan ang pag-iingat laban sa gayong mga tao ay ang pinakapasibong diskarte. Ang maagap na diskarte ay ang tuklasin sila nang maaga, at pangasiwaan at patalsikin sila sa lalong madaling panahon, para maiwasang magdulot ng anumang suliranin sa iglesia at sa mga kapatid. Dahil kayang maimpluwensiyahan ng mga taong ito ang iba anumang oras at saanman sa loob ng iglesia at kayangwasakin ang normal na kaayusan ng iglesia anumang oras at sa anumang sitwasyon, huwag kang patuloy na magparaya o magpasensiya sa gayong mga hindi mananampalataya. Huwag mo na silang bigyan ng isa pang pagkakataon para magsisi; huwag kang maging hangal. Pagkatuklas sa kanila, dapat silang patalsikin sa lalong madaling panahon para maiwasan ang kasawian sa hinaharap. Ang pakay sa paggawa nito ay para mapigilan iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan na malihis at magamit, na maging mga papet ni Satanas at mga demonyo. Siyempre, ang dapat mong gawin sa ngayon ay pigilan iyong mga may pampolitikang layunin na malaman ang anumang mahalagang impormasyon tungkol sa iglesia. Mas maaga mo silang makikilatis at mapapatalsik, mas kaunti ang magiging pakikipag-ugnayan ng mga kapatid sa kanila, at mas hindi sila malilihis at maiimpluwensyahan ng mga ito. Samakatwid, pagdating sa tiyempo, mas mabuting pangasiwaan at patalsikin ang gayong mga tao nang mas maaga kaysa sa huli—mas maaga, mas mabuti. Ang pagiging maagap ay mas mabuti kaysa sa pagiging pasibo. Ang mga taong may mga pampolitikang layunin ay may masasamang layunin; hindi posibleng magkaroon sila ng anumang pagiging taos-puso sa paggawa ng anuman para sa iglesia at para sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila kayang ilihis o gamitin ang mga kapatid, ganap silang mapapahiya at kusang-loob na iiwan ang iglesia, nang hindi man lang nagpapaalam. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikawalong pakay sa pananampalataya sa Diyos: para hangarin ang mga pampolitikang layunin.

Oktubre 30, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 22

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 24

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito