Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 21
Kung Paano Tukuyin ang mga Anticristo mula sa mga Taong may Disposisyon ng mga Anticristo
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa mga Saloobin Nila sa Katotohanan
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bago pormal na simulan ang pagbabahaginan, magbalik-aral tayo sa isa sa mga paksa tungkol sa mga anticristo na napagbahaginan noong nakaraan: paano tukuyin ang mga tao na may disposisyon ng mga anticristo mula sa mga taong may diwa ng mga anticristo, at kung ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito. Una, pagbabahaginan natin kung paano kilatisin ang mga anticristo; hindi ito sobrang mahirap. Una sa lahat, dapat malinaw mong makita kung ano ang mga halata at natatanging pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo, para matukoy mo agad ang isang tunay na anticristo, matukoy na tiyak na isa siyang taong may disposisyon lang ng mga anticristo o isang taong lumalakad sa landas ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga anticristo at hindi ka na nila malilihis, masisilo, at makokontrol. Ngayon, ang pinakamahalagang bagay ay ang matukoy ang mga halatang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may kalikasang diwa ng mga anticristo at iyong may disposisyon ng mga anticristo. Para kilatisin ang dalawang uri ng mga taong ito, dapat mo munang arukin ang mga pangunahin nilang katangian. Naaarok lang ng ilang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng mga anticristo sa pang-araw-araw na buhay, tulad ng mga tendensiya nilang igiit ang katayuan nila at sermunan ang iba, pero hindi nila makilatis ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ayos lang ba ito? (Hindi.) May mga nagsasabi rin na ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo ay ang kanilang kayabangan at kapalaluan, at binabansagan nila ang lahat ng mayabang at palalong tao bilang mga anticristo. Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Dahil ang kayabangan at kapalaluan ay hindi ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo; ang mga ito ay mga tiwaling disposisyon na mayroon ang lahat ng tiwaling tao. Ang lahat ng tao ay may mayabang at palalong disposisyon, kaya isang malaking pagkakamali na bansagan ang lahat ng mayabang at palalong tao bilang mga anticristo. Kaya, anong mga pagpapamalas ang mahahalagang pagpapamalas ng mga anticristo, na makapagpapalinaw agad sa mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at mga taong may disposisyon ng mga anticristo, at mabibigyang-kakayahan ang isang tao na makilatis na magkaiba ang mga diwa ng dalawang uri ng taong ito, at na dapat tratuhin nang magkaiba ang mga gayong tao? Sa mga partikular na aspekto, tulad ng mga kilos, pag-uugali, at disposisyon, may mga pagkakatulad at pagkakahawig ba ang dalawang uri na ito ng mga tao? (Mayroon.) Kung hindi mo pagmamasdang mabuti, tutukuyin nang seryoso, o kung wala ka sa puso mo ng tumpak na pagkaunawa at pagkilatis sa disposisyon at diwa ng dalawang uri ng mga taong ito sa puso mo, napakadaling maging pareho ang pagtrato sa dalawang uri ng mga taong ito. Baka nga mapagkamalan mo pa na isang taong may disposisyon ng mga anticristo ang isang anticristo at baligtad, ibig sabihin, madaling makagawa ng mga ganitong maling paghusga. Kaya, ano ang mga pangunahing katangian at pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito na magbibigay-kakayahan sa isang tao na tukuyin nang may matibay na ebidensiya kung sino ang anticristo at sino ang taong may disposisyon ng mga anticristo? Dapat maging pamilyar kayo sa paksang ito, kaya pakinggan natin ang mga ideya ninyo. (Ang isang aspektong ginagamit para tukuyin ang mga anticristo mula sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay sa pamamagitan ng saloobin nila sa katotohanan; ang isa pa ay sa pamamagitan ng pagkatao nila. Sa saloobin nila sa katotohanan, namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Kahit gaano karaming masamang gawa ang ginagawa nila na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at paano ka man makipagbahaginan sa kanila o paano mo man sila pungusan, hindi nila ito kinikilala at matigas na ayaw na ayaw talaga nilang magsisi. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay pwede ring makagawa ng mga maling bagay kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kapag hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, pero kapag pinupungusan sila, kaya nilang tanggapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, at kaya nilang makaramdam ng pagsisisi at magbago. Mula sa perspektiba ng saloobin nila sa katotohanan, ang diwa ng mga anticristo ay na namumuhi sila sa katotohanan, habang ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin ang katotohanan. Mula sa perspektiba ng pagkatao nila, ang mga anticristo ay masasamang tao na walang pakiramdam ng konsensiya o pakiramdam ng kahihiyan, samantala, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pakiramdam ng konsensiya at pakiramdam ng kahihiyan.) Dalawang katangian ang nabanggit mo; napagbahaginan na ba dati ang nilalamang ito? Itinuturing ba ang mga ito na mga halatang katangian? (Oo.) Ganap na magkaiba ang mga saloobin sa katotohanan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Isa itong napakahalagang punto, at isa itong pagpapamalas na may mga halatang katangian. Tutol sa katotohanan ang mga anticristo at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Mas gugustuhin nilang mamatay kaysa aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, sa loob-loob nila ay nilalabanan nila ito at tutol sila rito. Maaaring sa loob-loob nila ay murahin, kutyain, at kasuklaman ka pa nila, tratuhin ka nang may paghamak. Mapanlaban ang mga anticristo sa katotohanan; isa itong halatang katangian. At ano ang mga katangian ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo? Para maging tumpak at obhetibo, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero may kaunting konsensiya at katwiran ay kayang baguhin ang mga kuru-kuro nila at tanggapin ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikibagbahaginan sa kanila ng iba tungkol sa katotohanan. Kung pupungusan sila, magagawa rin nilang magpasakop. Ibig sabihin, hangga’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay sinserong nananampalataya sa Diyos, karamihan sa kanila ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa pagbubuod, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa pamamagitan ng mga gayong pamamaraan tulad ng pagbabasa nila mismo ng mga salita ng Diyos, pagtanggap sa pagdidisiplina at pagliliwanag ng Diyos, o sa pagpupungos, pagtulong, at pagsuporta ng mga kapatid. Isa itong halatang katangian. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo. Sino man ang makipagbahaginan sa katotohanan, hindi sila nakikinig o nagpapasakop. May iisa lang silang saloobin: Mas gugustuhin nilang mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan. Paano mo man sila pungusan, wala itong silbi. Kahit na malinaw kang makipagbahaginan sa katotohanan sa abot ng makakaya mo, hindi nila ito tinatanggap, sa loob-loob nila ay nilalabanan pa nga nila ito at tutol sila rito. Makakapagpasakop ba sa Diyos ang isang taong may gayong disposisyon na namumuhi sa katotohanan? Tiyak na hindi. Samakatwid, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos, at sila ay mga taong hindi na matutubos.
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa Pagkatao Nila
Kanina lang, nabanggit din ninyo ang isa pang katangian para sa pagtutukoy ng mga anticristo mula sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo, na mula sa perspektiba ng pagkatao. Sino pa ang gustong makipagbahaginan tungkol sa katangiang ito? (Ang mga anticristo ay may partikular na mapaminsalang pagkatao; kaya nilang supilin at pahirapan ang mga tao, at gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, hindi sila marunong magsisi.) Tama iyan, ang pangunahing katangian ng mga anticristo ay ang kanilang mapaminsalang pagkatao, kawalan ng kahihiyan, at kawalan ng konsensiya at katwiran. Gaano man karaming masamang gawa ang gawin nila sa iglesia o gaano man kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi nila iniisip na kahiya-hiya ito, ni hindi nila nakikita ang sarili nila bilang makasalanan. Inilalantad man sila ng sambahayan ng Diyos o pinupungusan man sila ng mga kapatid, hindi sila nababagabag, at hindi nila nararamdaman na sinasaway sila o hindi sila nadidismaya. Ito ang pagpapamalas ng mga anticristo sa usapin ng pagkatao. Ang pangunahin nilang mga katangian ay ang kawalan ng konsensiya at katwiran, at kawalan ng kahihiyan, at sukdulang malupit na disposisyon. Hinuhusgahan at pinapahirapan nila ang sinumang kumakanti sa mga interes nila, at napakatindi ng pagnanais nila na maghiganti, wala silang pinapalampas, maski ang sarili nilang mga kamag-anak. Ganito kalupit ang mga anticristo. Sa kabilang banda, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kahit gaano kalaki ang katiwaliang ibinubunyag nila, ay hindi naman awtomatikong masasamang tao. Anuman ang kanilang mga pagkukulang o kahinaan sa pagkatao nila, anumang mga pagkakamali ang maaari nilang gawin, o sa anumang aspekto sila maaaring mabigo at madapa, kaya nilang pagnilayan ang sarili nila at matuto ng mga aral pagkatapos. Kapag nahaharap sila sa pagpupungos, kaya nilang aminin ang mga pagkakamali nila at makaramdam ng pagsisisi; at kapag pinupuna at inilalantad sila ng mga kapatid—kahit na subukan nilang ipagtanggol nang kaunti ang sarili nila at maging hindi sila handang kilalanin ito sa oras na iyon—ang totoo, kinilala na nila ang pagkakamali nila sa puso nila at nagpasakop na sila. Pinapatunayan nito na kaya pa rin nilang tanggapin ang katotohanan at pwede pa rin silang magbago. Kapag nakakagawa sila ng mga pagkakamali o kapag nahaharap sila sa anumang problema, gumagana pa rin ang konsensiya at katwiran nila; may kamalayan sila, hindi sila manhid o walang pakiramdam, o mapagmatigas at tumatangging aminin ang mga bagay. Dagdag pa rito, bagama’t ang ganitong uri ng tao ay may disposisyon ng mga anticristo, medyo may empatya siya at medyo mas mabait siya. Kapag nahaharap siya sa iba’t ibang usapin, ang katangiang ipinapakita niya sa usapin ng pagkatao ay mailalarawan—sa pinakaangkop at madaling maunawaang paraan—bilang medyo makatwiran. Kung mahigpit na mapungusan, sa pinakamalala ay pwede siyang makaramdam ng kaunting pagsisisi sa puso niya, pero kung titingnan ito mula sa pagpapamalas ng pagkatao niya, makikita na marunong pa rin siyang mahiya, na nasusumbatan pa rin siya ng konsensiya niya, at na may partikular na mapagpigil na epekto ang katwiran niya. Kung nagdudulot siya ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o nagdudulot ng pinsala sa sinumang kapatid, palagi siyang nababagabag sa loob-loob niya at pakiramdam niya ay nabigo niya ang Diyos. Ang mga pagpapamalas na ito ay nabubunyag sa magkakaibang antas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Kahit na hindi sila agad na bumawi o gumawa ng mga tamang pagpili at magsagawa nang tama pagkatapos mangyari ng mga bagay-bagay, ang mga taong ito ay may pakiramdam pa rin ng kamalayan sa puso nila. Sinusumbatan sila ng konsensiya nila; alam nilang mali ang ginawa nila at na hindi sila dapat kumilos uli nang ganoon, at nararamdaman din nila na hindi sila mabuting tao—nang hindi masyadong pansin, maaari silang magkaroon ng lahat ng damdaming ito. Dagdag pa rito, sa paglipas ng panahon, magbabago ang kalagayan nila, at magkakaroon sila ng tunay na pagbabago. Makakaramdam sila ng matinding pagsisisi, nanghihinayang na hindi sila gumawa ng mga tamang pagpili at nagsagawa nang tama sa umpisa. Ang mga pagpapamalas na ito ang mismong mga pinakakaraniwan at pinakaordinaryong pagpapamalas ng mga tiwaling tao. Gayumpaman, iyong mga anticristo ay natatangi; hindi sila mga tao kundi mga diyablo. Kahit gaano katagal na panahon ang lumipas matapos nilang makagawa ng kasamaan o magkasala, hindi man lang sila nagsisisi; nananatiling matigas ang ulo nila, at nagpupumilit sila hanggang sa huli. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang magpasakop kapag nahaharap sila sa ordinaryong pagpupungos. Kapag nahaharap naman sa mahigpit na pagpupungos, maaari silang makipagtalo, maaaring ikaila nila ang mga bagay, at tumangging tanggapin ito sa oras na iyon, pero kalaunan ay nagagawa nilang pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, at nakakaramdam sila ng pagsisisi at nagbabago sila. Kahit na may mangutya at manghusga sa kanila dahil wala silang pagkatao, maaaring masaktan ang puso nila pero hindi sila lalaban o hindi nila tatratuhin ang taong iyon bilang isang kaaway. Kaya rin nilang maunawaan ang taong iyon, iniisip nila, “Sarili ko lang ang masisisi ko sa paggawa ng pagkakamaling iyon; paano man ako tratuhin ng iba ay hindi hihigit sa nararapat sa akin.” Ang mga pagpapamalas na ito ay nabubunyag sa magkakaibang antas sa iba’t ibang tao. Sa madaling salita, ang mga pagbubunyag na ito ay ang mga normal at natural na pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, ng mga taong may mga tiwaling disposisyon, at dito sila malinaw na naiiba sa mga anticristo. Sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapamalas ng dalawang kalagayang ito, nagiging malinaw kaagad kung sino bang mga indibidwal ang masasamang tao at mga anticristo, at kung sinong mga tao ang may disposisyon lang ng mga anticristo pero hindi masasamang tao.
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa kung Tunay Silang Nagsisisi o Hindi
Kakabanggit lang ng dalawang aspekto ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo: Ang unang aspekto ay ang saloobin nila sa katotohanan; ang saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang saloobin nila sa Diyos. Sa aspektong ito, may malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito. Ikalawa, sa usapin ng pagkatao, may malinaw ring mahalagang pagkakaiba ang dalawang uri ng mga taong ito. Halatang-halata ang dalawang katangiang ito; ganap silang magkaibang uri ng mga tao. Maliban sa dalawang pagkakaibang ito, ang isa pang aspekto ay kung mayroon bang anumang pagpapamalas ng pagsisisi pagkatapos na gumawa ng kasamaan. Sa kaso niyong mga anticristo, anumang masamang gawa ang ginagawa nila—pinapahirapan man nila ang mga tao, nagtatatag man sila ng mga nagsasariling kaharian, nakikipag-agawan sa Diyos para sa katayuan, nagnanakaw ng mga handog, o iba pa—kahit na direkta silang malantad, hindi nila inaamin ang mga ito. Kung hindi nila aaminin ang mga gawang ito, magagawa ba nilang magsisi? Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magsisi. Hindi nila tinatanggap ang mga katunayan ng masasamang gawa nila. Kahit na mapagtanto nila na lubos na tumpak ang paglalantad sa kanila, nilalabanan at kinokontra nila ito. Hinding-hindi sila magninilay sa kung nasa maling landas ba sila, o hindi nila sasabihin, “Inilalarawan ako bilang isang anticristo. Napakamapanganib nito, at kailangan kong magsisi.” Tiyak na wala silang mga ganitong uri ng pag-iisip sa isipan nila. Walang mga ganitong katangian ang pagkatao nila. Samakatwid, may halatang katangian ang mga anticristo: Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at wala silang ipinapakitang tunay na pagbabago. Noong una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, gusto nilang mamukod-tangi sa karamihan, makipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, pahirapan ang mga tao, at bumuo ng mga paksiyon at hatiin ang iglesia. Ang layon nila sa pagsubok na humawak ng kapangyarihan ay ang huthutan ang iglesia at magtatag ng nagsasariling kaharian. Matapos manampalataya sa loob ng tatlo o limang taon, kapag nakita mo silang muli, ipinapakita pa rin nila ang mga parehong pagpapamalas at katangiang ito nang walang anumang pagbabago. Kahit matapos ang walo o sampung taon, hindi sila nagbabago. Sinasabi ng ilang tao, “Marahil ay magbabago sila matapos ang 20 taon ng pananampalataya!” Kaya ba nilang magbago? (Hindi.) Hindi sila magbabago. Ipinapakita nila ang mga parehong pagmamalas na ito nakikisalamuha man sila sa ilang indibidwal o sa karamihan, gumagawa man sila ng mga ordinaryong tungkulin o kumikilos bilang mga lider o manggagawa. Hindi sila kailanman nagsisisi o nagbabago, nagpapatuloy sila sa parehong landas hanggang sa huli. Hinding-hindi sila magsisisi. Ganito ang mga anticristo. Tungkol naman sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kahit na ang ilan ay hindi masamang tao, may mga tiwaling disposisyon din sila. Nagbubunyag sila ng kayabangan, pagkamapanlinalang, pagkamakasarili, pagiging mababa, at iba pang uri ng katiwalian. Nagpapakita rin sila ng mababang pagkatao. Kapag nagsisimula silang manampalataya sa Diyos, gusto rin nilang makipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, mamukod-tangi para makuha ang paghanga ng mga tao, at may mga ambisyon at pagnanais sila na maging lider at humawak ng kapangyarihan. Ang mga pagpapamalas na ito ay umiiral sa magkakaibang antas sa mga tiwaling tao at hindi masyadong naiiba sa mga anticristo. Gayumpaman, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag nila sa mga tiwaling disposisyong ito. Bakit nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyong ito? Dahil pagkatapos maunawaan ang katotohanan, napagtatanto nila na ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Sa puntong ito lang nagkakaroon ng kamalayan ang konsensiya nila, at nakikita nilang malalim ang pagkatiwali nila at na wala nga talaga silang wangis ng isang tao. Pagkatapos, nagiging handa na silang hangarin ang katotohanan at pinag-iisipan nila kung paano iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, at kung paano sila makakalaya mula sa pagkakagapos nila, at maging isang taong naghahangad at nagsasagawa sa katotohanan. Ano ang pagpapamalas na ito? Hindi ba’t ito ay unti-unting pagsisisi? (Oo.) Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, natutuklasan nila ang sarili nilang mga problema, natutukoy nila ang mga tiwali nilang disposisyon, at nauunawaan nila ang iba’t iba nilang kalagayan. Nauunawaan din nila ang pagkataong diwa nila, at mas lumalakas ang kamalayan ng konsensiya nila; mas nararamdaman nila na labis silang tiwali at hindi sila angkop sa paggamit ng Diyos at na karapat-dapat sila sa pagkasuklam ng Diyos, at napopoot sila sa sarili nila sa loob-loob nila. Nang hindi namamalayan, unti-unti silang nagsisisi sa kaibuturan ng puso nila, at dahil sa pagsisising ito, nagaganap ang ilang maliit na pagbabago, maliliit na pagbabago na makikita sa pag-uugali nila. Halimbawa, noong una, kapag may naglalantad ng mga problema nila, naghihinanakit sila, nagagalit sila dahil sa kahihiyan, at sinusubukan nilang magpaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila, nagsisikap sila nang husto para makahanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para ipagtanggol ang sarili nila. Gayumpaman, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na mga karanasan, napagtatanto nila na mali ang pag-uugaling ito at nagsisimula silang baguhin ang kalagayan at pag-uugaling ito, nagsisikap silang tanggapin ang mga tamang pananaw, nagsisikap na makipagtulungan nang matiwasay sa iba. Kapag may mga nangyayari sa kanila, natututo silang maghanap at makipagbahaginan sa iba, at natututo silang makipag-usap nang mula sa puso at makasundo nang maayos ang iba. Mga pagpapamalas ba ang mga ito ng pagsisisi? (Oo.) Matapos manampalataya sa Diyos, unti-unti silang nagkakamit ng tunay na pagkaunawa sa ilang disposisyon, pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo na ibinubunyag nila. Pagkatapos, unti-unti nilang iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at nagagawa nilang talikuran ang mga dati nilang maling gawi ng pamumuhay, at isinusuko nila ang paghahangad sa kasikatan at katayuan, at nagagawa nilang kumilos, umasal, at gumawa ng tungkulin nila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Paano nakakamit ang gayong pagbabago? Nakakamit ba ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at patuloy na pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi? (Oo.) Ang lahat ng bagay na ito ay nakakamit sa proseso ng tuloy-tuloy na pagbabago. Pagkatapos, tiyak na umuunlad ang kalagayan nila, lumalago rin ang tayog nila habang lumalalim ang mga karanasan nila, at kapag nangyayari ang mga bagay sa kanila, nagagawa nilang pagnilayan ang sarili nila. Nahaharap man sila sa mga problema o pagkabigo, o pinupungusan man sila, dinadala nila ang mga usaping ito sa harap ng Diyos at nagdarasal sila sa Kanya, at nagagawa rin nilang iugnay, himayin, at unawain ang tiwali nilang kalagayan habang binabasa ang mga salita ng Diyos. Bagama’t maaaring magbunyag pa rin sila ng katiwalian at makabuo ng mga maling kaisipan kapag may mga nangyayari sa kanila, nagagawa nilang pagnilayan at paghimagsikan ang sarili nila. Hangga’t namamalayan nila ang mga usaping ito, nagagawa nilang patuloy na hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito at magsagawa ng pagsisisi. Bagama’t napakabagal ng pag-usad na ito, at kakaunti ang mga resulta, patuloy silang nagbabago sa kaibuturan ng puso nila. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging nagpapanatili ng aktibo, positibo, ganadong soloobin, at kalagayan ng pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi. Bagama’t minsan ay nakikipag-agawan sila sa iba para sa kasikatan at katayuan at nagpapakita sila ng ilang pagpapamalas at kilos ng mga anticristo sa magkakaibang antas, matapos maranasan ang ilang pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, o pagdidisiplina ng Diyos, ang mga tiwaling disposisyong ito ay nawawaksi at nababago sa magkakaibang antas. Ang pinakaugat ng pagkakamit ng mga resultang ito ay na kaya ng ganitong uri ng tao, sa kaibuturan ng puso niya, na pagnilayan at unawain ang mga tiwaling disposisyon niya at ang mga maling landas na natahak niya, at kaya niyang ituwid ag sarili niya. Bagama’t napakaliit ng mga pagbabago, paglago, at mga pakinabang mula sa pagtutuwid niya sa sarili, at napakabagal ng pag-usad, hanggang sa puntong kahit siya mismo ay hindi makapansin, pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon ng gayong mga karanasan, nakakaramdam siya ng ilang pagbabago sa sarili niya, at nakikita rin ito ng mga nasa paligid niya. Ano’t anuman, may pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo at ng mga anticristo. Ano ang pangunahing katangian sa aspektong ito? (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay nagagawang magbago.) Kapag may ginagawa silang mali, kapag gumagawa sila ng pagsalangsang, o nahaharap sila sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo, pagtutuwid o pagdidisiplina, kaya nilang magsisi. Kahit kapag napagtanto nila na may nagawa silang hindi wasto o nagkamali sila, kaya nilang pagnilayan ang sarili nila at magkaroon ng saloobin ng pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi sa puso nila. Isa itong natatanging pagkakaiba na ganap na nag-iiba sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo mula sa mga anticristo.
Isang Pagbubuod sa mga Pagkakaiba sa Pagitan ng mga Anticristo at ng mga Taong may Disposisyon ng mga Anticristo
Mga buhay na Satanas ang mga anticristo. Masasabing namumuhay sila bilang mga Satanas; mga diyablo at mga Satanas sila na nakikita ng mga tao. Kaya, ibuod natin ang mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ang isang aspekto ay ang saloobin nila sa katotohanan. Hinding-hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan. Bagama’t kaya nilang aminin sa salita na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at mga positibong bagay, at mga salitang kapaki-pakinabang sa mga tao, at ang pamantayan para sa lahat ng positibong bagay, at na dapat tumanggap, magpasakop sa mga ito ang mga tao at isagawa nila ito—bagama’t kaya nilang sabihin ang lahat ng ito—hinding-hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Diyos. Bakit hindi nila isinasagawa ang mga ito? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sinasabi ng bibig nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero para sa ganap na ibang motibo: Sinasabi nila ito para pagtakpan ang katunayang hindi nila tinatanggap ang katotohanan at para ilihis ang mga tao. Porke’t nakakapagsalita ang mga anticristo ng mga salita at doktrina, hindi ito nangangahulugang kinikilala nila sa puso nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi nila maisagawa ang katotohanan dahil pangunahing hindi nila tinatanggap ang katotohanan ng mga salita ng Diyos sa puso nila; ayaw nilang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito para makapasok sa katotohanang realidad. Sa kabilang banda, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi awtomatikong mga anticristo. Sa magkakaibang antas, kaya ng ilan sa kanila na tumanggap at magpasakop sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, at sa mga tamang salita—isang pagkakaiba ito. Ang mga taong may diwa ng mga anticristo ay mapanlaban sa katotohanan, at tinatalikuran nila ito, pero ang ilang tao na may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng ilang taon na pagdanas sa gawain ng Diyos, maaaring medyo magbago ang saloobin nila sa katotohanan. Nararamdaman nila sa kaibuturan ng puso nila na bagama’t hindi nila ito kayang isagawa, ang katotohanan ay mabuti at tama. Sadyang hindi nila minamahal ang katotohanan o hindi sila masyadong interesado rito, kaya medyo nahihirapan at nabibigatan silang isagawa ito. Kaya, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero may kaunting konsensiya at katwiran ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa pinakamababa, sa kaibuturan ng puso nila, hindi sila mapanlaban o tumatanggi sa katotohanan, at hindi sila tutol sa katotohanan. Karamihan ng tao ay nasa ganitong uri ng kalagayan at nagpapakita ng ganitong uri ng pagpapamalas patungkol sa katotohanan. Ang ganitong paraan ng paglalarawan sa mga gayong tao ay hindi nakakapagpaganda ni nakakapagpasama sa kanila. Napaka-obhetibo nito, hindi ba? (Oo.) Ang isa pang aspekto ay ang tukuyin sila mula sa perspektiba ng pagkatao, ibig sabihin, tukuyin sila batay sa konsensiya, katwiran, at sa kabutihan o kasamaan ng pagkatao nila. Ang sinumang may masamang pagkatao, hindi tumatanggap sa katotohanan, at partikular na tutol sa katotohanan ay tiyak na isang hindi mananampalataya o anticristo. Ang ilang tao ay partikular na hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi interesado rito. Kapag nakikipagbahaginan ang iba tungkol sa katotohanan, inaantok sila at hindi mapakali. Gayumpaman, ang mga ganitong uri ng tao ay walang masamang pagkatao at hindi nila pinapahirapan ang iba. Kung makikipagbahaginan ka tungkol sa mga layunin ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo, o sa mga tuntunin ng sambahayan ng Diyos, kaya nilang makinig at handa silang tanggapin ang katotohanan at pagsumikapan ito, pero maaaring hindi nila maisagawa ang katotohanan. Kung magiging lider sila, maaaring hindi ka nila maakay na maunawaan ang katotohanan o hindi ka nila madala sa harap ng Diyos, pero hinding-hindi ka nila pahihirapan. Ito ang pagkatao ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ano’t anuman, ang pagkatao ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi ganoon kasama; kaya nilang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa kabaligtaran, bukod sa walang konsensiya at katwiran ang mga anticristo, sukdulan din ang kalupitan ng pagkatao nila. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pakiramdam ng konsensiya, at kaunting katwiran, at kaya nilang pangasiwaan ang ilang usapin nang makatwiran. Halimbawa, sa usapin ng kung paano mamili, kung kanino papanig, at iba pang mga gayong usapin sa pangangasiwa sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pangangasiwa sa iba’t ibang tao sa iglesia, at pangangasiwa sa mga positibo at negatibong bagay, kaya nilang tukuyin ang mga gayong usapin at sa huli, nagagawa nilang pumili nang tama batay sa konsensiya nila. Ang mga ganitong uri ng tao ay walang gayong masamang pagkatao at medyo mabuti ang puso nila. May isa pang pagkakaiba, isang pagkakaiba na kakatapos lang nating pagbahaginan, iyon ay na may ilang tao na may disposisyon ng mga anticristo na kayang tanggapin ang katotohanan, at kapag may nagagawa silang mali, nagagawa nila itong pagnilayan at nagkakaroon sila ng nagsisising puso. Sa kabaligtaran, hinding-hindi ipinapakita ng mga anticristo ang dalawang pagpapamalas na ito. Matigas ang ulo nila at hindi sila nagbabago dahil tutol sila sa katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at sukdulan ang kalupitan ng pagkatao nila. Imposible para sa mga ganitong uri ng tao na ituwid ang sarili nila at magkamit ng pagsisisi. Kung magagawa man ng isang tao na tunay na magsisi ay pangunahing nakasalalay sa kung may konsensiya at katwiran siya, at sa saloobin niya sa katotohanan. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, dahil wala silang masamang pagkatao, ay may kaunting konsensiya at katwiran, at kaya nilang tumanggap ng ilang katotohanan sa magkakaibang antas, may potensiyal silang ituwid ang sarili nila. Kapag nakakagawa sila ng mga pagkakamali o ng mga pagsalangsang, nagagawa nilang magsisi matapos na mapungusan. Tinutukoy nito na ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pag-asang maligtas, samantalang ang mga anticristo ay hindi na matutubos; sila ay mga kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Ang mga esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay ang ilang katangiang ito. Napaka-obhetibo ba ng pagbubuod na ito? (Oo.) Tungkol sa ilang katangiang ito ng mga anticristo, ang mga detalyadong pagpapamalas na pinagbahaginan natin ay obhetibo at naaayon sa mga katunayan, nang walang anumang elemento ng pagpapasama. Naranasan at nasaksihan ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos; sadyang ganito ang mga anticristo, inilantad din natin ang iba’t ibang pagpapamalas, na kung saan lahat ay nakikita ng mga tao at tumutugma sa mga katunayan, nang walang anumang pagpapabango.
Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay maraming depekto at kapintasan sa pagkatao nila, at nagbubunyag din sila ng iba’t ibang tiwaling disposisyon sa magkakaibang antas. Ang mga tiwaling disposisyong ito ay may ilang halatang natatanging pagpapamalas sa lahat ng tao. Halimbawa, ang ilang tao ay partikular na mayabang, ang ilan ay partikular na mapagkalkula at mapanlinlang, ang ilan ay partikular na mapagmatigas, ang ilan ay partikular na tamad, at iba pa. Ang mga pagpapahayag na ito ay ang mga pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, at ang mga ito ang mga katangian ng pagkatao ng mga gayong tao. Bagama’t may kaunting kabutihan ang mga taong ito sa puso nila—sa madaling salita, medyo mabuti ang puso nila—kapag nahaharap sa mga usapin, malinaw nilang nakikita na napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero dahil takot silang mapasama ang loob ng iba, nagiging tulad sila ng isang pagong na nagtatago sa talukab nito, namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas at ayaw itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t sa kaibuturan nila ay nararamdaman nila na hindi sila dapat kumilos sa ganitong paraan at na hindi nila tinatrato nang tama ang Diyos sa pagkilos nila sa ganitong paraan, hindi pa rin nila mapigilang piliing maging mapagpalugod ng mga tao. Bakit ganito? Dahil naniniwala sila na para mamuhay at manatiling buhay, dapat silang umasa sa pilosopiya ni Satanas, at sa ganitong paraan lang nila mapoprotektahan ang sarili nila. Samakatwid, pinipili nilang maging mapagpalugod ng mga tao at hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Sa puso nila, nararamdaman nila na sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, wala silang konsensiya at walang pagkatao; hindi sila tao at mas masahol pa sila kaysa sa isang asong bantay. Gayumpaman, pagkatapos sawayin ang sarili nila, kapag nahaharap sila sa isa pang sitwasyon, hindi pa rin sila nagsisisi at ganoon pa rin ang ikinikilos nila. Palagi silang mahina at palagi silang nakokonsensiya. Ano ang pinapatunayan nito? Pinapatunayan nito na bagama’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi naman mismong mga anticristo, may mga problema at kakulangan nga ang pagkatao nila, kaya tiyak na nagbubunyag sila ng maraming katiwalian. Kung titingnan ang mga pangkalahatang pagpapamalas ng gayong tao, ganap na isa siyang taong nananatiling hindi nagbabago sa pagiging labis na natitiwali ni Satanas; siya mismo ang tinutukoy ng Diyos bilang supling ni Satanas. Paano nagiging mas mabuti ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo kaysa sa mga anticristo? Para maging tumpak, bagama’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero walang diwa ng mga anticristo ay nagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ni Satanas, tiyak na hindi sila masasamang tao. Ang sitwasyon nila ay katulad ng tipikal na sinasabi tungkol sa kung paanong ang isang tao ay hindi taksil at masama ni mabuting tao; sadyang sinsero siyang nananampalataya sa Diyos, handa siyang magsisi, at kaya niyang tanggapin ang katotohanan matapos na mapungusan, may kaunting pagpapasakop. Bagama’t hindi siya masamang tao at may pag-asa pa ring maligtas ng Diyos, malayo pa rin siya sa pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaang binabanggit ng Diyos! Ang ilang tao ay tatlo hanggang limang taon nang nananampalataya sa Diyos at may ilan nang pagbabago at pag-usad. May ilang tao na walo hanggang sampung taon nang nananampalataya sa Diyos pero wala silang anumang pag-usad. Ang ilang tao ay 20 taon nang nananampalataya sa Diyos nang walang anumang malaking pagbabago, katulad pa rin sila ng dati. Matigas pa rin nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kuro nila. Pero dahil nakarinig na sila ng mga salita ng Diyos at napipigilan sila ng iba’t ibang tuntunin at regulasyon ng sambahayan ng Diyos, kaya wala silang nagawang malalaking pagkakamali, walang nagawang masasamang gawa na nagdulot ng malulubhang kawalan sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagdulot ng malalaking sakuna. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay tiyak na hindi lahat maliligtas ng Diyos sa huli. Karamihan sa kanila ay malamang na mga trabahador, at ang ilan sa kanila ay tiyak na matitiwalag. Ano’t anuman, bagama’t hindi sila masasamang tao, sila ay mga taong may mababang pagkatao. Tiyak na hindi magiging pareho ang mga kalalabasan at hantungan nila. Lahat ng ito ay nakasalalay sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at kung paano nila pinipili ang mga landas nila. Sinasabi ng ilang tao, “May kontradiksiyon ang mga salita Mo. Hindi ba’t sinabi Mo na kayang ituwid ng mga taong ito ang sarili nila at kaya nilang magsisi?” Ang ibig Kong sabihin ay na ang mga taong ito, sa mga partikular na konteksto at sa iba’t ibang kapaligiran, ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Ano ang ibig sabihin ng “magkakaibang antas”? Ibig sabihin nito, may kaunting pagbabago ang ilang tao pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, at malaking pagbabago naman sa loob ng 10 hanggang 20 taon. Ang ilang tao na 10 hanggang 20 taon nang nananampalataya sa Diyos ay pareho pa rin tulad noong nagsisimula pa lang silang manampalataya, palaging sumisigaw, “Dapat akong magsisi, dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos!” pero sa aktuwal ay hindi sila nagbabago. Dahil lang sa may pakiramdam sila ng konsensiya kaya may ganito silang kahilingan sa puso nila at handa silang ituwid ang sarili nila at magsisi. Gayumpaman, ang pagiging handa ay hindi katumbas ng kakayahang isagawa ang katotohanan, ni hindi ito katumbas ng pagpasok sa realidad. Ang pagiging handa ay hindi paglaban sa katotohanan, hindi pagiging tutol sa katotohanan, hindi lantarang paninira sa katotohanan, hindi lantarang paghusga, pagkondena, o paglapastangan sa Diyos—ito ay ang mga pagpapamalas lang na ito. Pero hindi ito nangangahulugan ng kakayahang tunay na magpasakop at tumanggap at magsagawa sa katotohanan, ni hindi ito nangangahulugan ng kakayahang maghimagsik laban sa laman at sa mga sariling pagnanais. Isa ba itong obhetibong katunayan? (Oo.) Ganito ito mismo. Ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran at kaunting nagsisising puso sa pagkatao ng isang tao ay hindi nangangahulugan na walang tiwaling disposisyon ang isang tao. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, sa esensya, ay iba sa mga anticristo, pero hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong kayang tumanggap at magpasakop sa katotohanan. Ni hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong may katotohanang realidad, o na sila ay mga taong minamahal ng Diyos. May mga esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspektong ito; ganap na magkaiba ang mga ito. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay tiyak na mas mabuti sa usapin ng pagkatao, sa saloobin nila sa katotohanan, at sa antas ng pagsisisi nila kumpara sa mga anticristo. Gayumpaman, ang pamantayan kung saan sinusukat ng Diyos ang mga tao ay hindi batay sa kung paano sila naiiba sa mga anticristo; hindi ito ang pamantayan. Sinusukat ng Diyos ang pagkatao ng isang tao, kung mayroon ba siyang konsensiya o katwiran, kung minamahal o tinatanggap ba niya ang katotohanan, kung ginagawa ba niya nang tapat ang mga tungkulin niya, kung nagpapasakop ba siya sa Diyos, at kung kaya ba niyang matamo ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Ang mga ito ang mga pamantayan kung saan sinusukat ng Diyos ang mga tao. Naglatag ang Diyos ng iba’t ibang hinihingi para sa mga may disposisyon ng mga anticristo. Ginagamit ng Diyos ang mga hinihinging ito para sukatin ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo nang may layong iligtas ang mga ito. Pagkatapos marinig na maipaliwanag ito sa ganitong paraan, nauunawaan mo na ito, tama ba? Una, dapat maging malinaw sa iyo na kahit gaano karaming disposisyon ng anticristo ang mayroon ka, hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, hindi ka isang anticristo. Bagama’t hindi ka isang anticristo, hindi ito nangangahulugan na isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Ang hindi pagkasuklam sa katotohanan o hindi pagtutol sa katotohanan ay hindi nangangahulugan na isa kang taong nagsasagawa at nagpapasakop sa katotohanan. Ang pagkakaroon ng kaunting konsensiya at katwiran, pagiging may medyo mabuting puso, at pagkakaroon ng mas mabuting pagkatao kaysa sa mga anticristo ay hindi awtomatikong nangangahulugan na isa kang mabuting tao. Ang pamantayan sa pagsukat kung mabuti o masama ang isang tao ay hindi nakabatay sa pagkatao ng mga anticristo. Gaano man karaming masamang bagay ang gawin ng mga anticristo, hindi nila kailanman inaamin ang mga ito ni hindi sila kailanman nagsisisi, bagkus ay patuloy silang kumikilos sa parehong paraan; hindi nila kailanman itinutuwid ang sarili nila, at kinokontra nila ang Diyos hanggang sa huli. Bagama’t ang ilang taong may disposisyon ng mga anticristo ay sinserong gustong ituwid ang sarili nila at magsisi, ang pagtutuwid sa sarili nila nang kaunti ay hindi nangangahulugan na may tunay silang pagsisisi. Ang pagkakaroon ng kapasyahang magsisi ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at makamit ang buhay.
Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako isang anticristo, kaya mas mabuti ako kaysa sa mga anticristo at hindi ako kasingtiwali ng mga anticristo.” Tama ba ang mga salitang ito? Isa ba itong baluktot na pagkaunawa? (Oo.) Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay pareho sa mga anticristong nasa tiwaling disposisyon nila, pero magkaiba ang kalikasang diwa nila. Pag-isipan ito—tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, ipaliwanag ito. (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may mga tiwaling disposisyon tulad lang ng mga anticristo. Kapwa sila may mayabang at buktot na mga disposisyon, at kapwa nila hinahangad ang katayuan. Gayumpaman, magkaiba ang pagkataong diwa nila. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may kaunting pakiramdam ng konsensiya, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi sila tutol sa katotohanan at hindi namumuhi sa katotohanan. Sa kabilang banda, ang mga taong may diwa ng mga anticristo ay may mapaminsalang pagkataong diwa. Wala silang pakiramdam ng konsensiya, at tutol sila sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Hindi sila magsisisi.) May mga tiwaling disposisyon silang lahat, kaya bakit tinutukoy ng Diyos ang mga taong may diwa ng mga anticristo bilang mga anticristo at Kanyang mga kaaway? (Pangunahin itong nakabatay sa saloobin nila sa katotohanan. Tutol at namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan, at sa katunayan, ang pagkamuhi sa katotohanan ay pagkamuhi sa Diyos.) May iba pa ba? (Ang diwa ng mga anticristo ay sa mga diyablo.) May pag-asa bang maligtas ang mga taong may diwa ng mga diyablo? (Wala.) Hinding-hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at hindi sila maliligtas. Yamang ang dalawang uri ng mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga pwedeng maligtas at sa mga hindi pwedeng maligtas? Sa usapin lang ng mga tiwaling disposisyon nila, magkapareho ang dalawang uri ng mga taong ito, kaya bakit hindi maliligtas ang mga anticristo, samantalang ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero walang diwa ng mga anticristo ay may kaunting pag-asa na maligtas? (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi katulad ng mga anticristo, na napakamapanlaban sa katotohanan at mga positibong bagay. Bagama’t hindi nila partikular na minamahal ang katotohanan, hindi sila nasusuklam sa katotohanan at kaya nila itong tanggapin sa magkakaibang antas, unti-unti silang nagbabago. Higit pa rito, ang pagkatao nila ay may kaunting pakiramdam ng konsensiya, hindi tulad ng mga anticristo na walang pakiramdam ng kahihiyan.) Narito nakasalalay ang pag-asa na maligtas; ito ang esensyal na pagkakaiba. Batay sa diwa ng mga anticristo, ang ganitong uri ng tao ay hindi matutubos at walang pag-asang maligtas. Kahit na gusto mo siyang iligtas, hindi mo kaya; hindi niya kayang magbago. Hindi siya ordinaryong uri ng tao na may tiwaling disposisyon ni Satanas, bagkus ay isa siyang tao na may buhay diwa ng mga diyablo at ni Satanas. Ang ganitong uri ng tao ay hinding-hindi maliligtas. Sa kabaligtaran, ano ang diwa ng mga ordinaryong tao na may mga tiwaling disposisyon? May mga tiwaling disposisyon lang sila; gayumpaman, mayroon silang kaunting konsensiya at katwiran, at kaya nilang tumanggap ng ilang katotohanan. Ibig sabihin nito ay pwedeng magkaroon ng partikular na epekto ang kaotohanan sa mga taong ito, nagbibigay sa kanila ng pag-asang maliligtas sila. Ang ganitong uri ng tao ang inililigtas ng Diyos. Hinding-hindi maliligtas ang mga anticristo, pero pwede bang maligtas ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo? (Oo.) Kung sinasabi nating pwede silang maligtas, hindi ito obhetibo. Pwede lang nating sabihing may pag-asa silang maligtas—medyo obhetibo ito. Sa huli, kung maliligtas man ang isang tao ay nakasalalay sa indibidwal. Depende ito sa kung kaya niyang tunay na tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan. Samakatwid, masasabi lang na ang ganitong uri ng tao ay may pag-asang maligtas. Kaya bakit walang pag-asang maligtas ang mga anticristo? Dahil mga anticristo sila; ang kalikasan nila ay kay Satanas. Mapanlaban sila sa katotohanan, namumuhi sila sa Diyos, at hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Pwede pa rin ba silang iligtas ng Diyos? (Hindi.) Inililigtas ng Diyos ang mga tiwaling tao, hindi si Satanas at ang mga diyablo. Inililigtas ng Diyos iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, hindi ang mga buhong na namumuhi sa katotohanan. Naging malinaw ba ito dahil dito? (Oo.) Nagbabahaginan tayo nang ganito para maiwasang magkaroon ng baluktot na pagkaunawa ang ilang tao. Pagkatapos pag-ibahin ang mga anticristo at ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, iniisip ng ilang tao na hindi sila mga anticristo at nangangahulugan ito na nasa ligtas na kalagayan na sila, na talagang nakapagtiyak na sila ng masisilungan para sa sarili nila at tiyak na hindi sila mapapaalis, mapapatalsik, o matitiwalag sa hinaharap. Isa ba itong baluktot na pagkaunawa? Ang pagkakaroon ng pag-asang maligtas ay hindi nangangahulugang maliligtas ang isang tao. Hinihingi pa rin ng pag-asang ito na maarok ito ng mga tao. Ang saloobin mo sa katotohanan ay iba sa saloobin ng mga anticristo. Hindi ka tutol sa katotohanan, o medyo mas mabuti ang pagkatao mo kaysa sa mga anticristo; may kaunti kang pakiramdam ng konsensiya, medyo mabuti ang puso mo, hindi mo pinipinsala ang iba, marunong kang magsisi kapag may nagagawa kang mali, at kaya mong ituwid ang sarili mo. Ang pagkakaroon lang ng kaunting katangiang ito ay nangangahulugang mayroon kang mga batayang kondisyon para tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at makamit ang kaligtasan. Pero ang hindi pagiging anticristo ay hindi nangangahulugang maliligtas ka. Hindi ka isang anticristo, pero tiwaling tao ka pa rin. Pwede bang maligtas ang lahat ng tiwaling tao? Hindi awtomatiko. Kahit na ang isang tao ay hindi isang anticristo o masamang tao, hangga’t hindi niya hinahangad ang katotohanan, hindi pa rin siya maliligtas. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang pagtanggap at paghahangad sa katotohanan. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay antagonistiko sa Diyos. Hangga’t may mga tiwaling disposisyon sa isang tao, maaari pa rin siyang maghimagsik laban sa Diyos, sumuway sa Diyos, magkanulo sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, kailangan nilang tanggapin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at mga pagpipino ng mga salita ng Diyos; kailangan nila ang panustos at paggabay ng mga salita ng Diyos, ang pagpupungos, pagdisiplina, at pagparusa ng Diyos, at iba pa—wala sa gawaing ito na ginagawa ng Diyos ang maaaring magkulang. Samakatwid, para makamit ang kaligtasan, sa isang banda, kinakailangan ang gawain ng Diyos, at dagdag pa, kailangan magkaroon ang mga tao ng kapasyahang makipagtulungan. Kailangan nilang magawang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga, na makapasok sa katotohanang realidad matapos na maunawaan ang katotohanan, at iba pa. Ito lang ang paraan para makamit ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, at para matanggap ang napakapambihirang pagpapala na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao, sa batayan ng pagkaunawa sa katotohanan. Ganoon lang ito kasimple. Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.
Ikalabintatlong Aytem: Protektahan ang Hinirang na mga Tao ng Diyos Mula sa Panggugulo, Panlilihis, Kontrol, at Lubhang Pamiminsala ng mga Anticristo, at Bigyan Sila ng Kakayahan na Kilatisin ang mga Anticristo at Talikuran ang mga ito Mula sa Puso Nila
Ang Ilang Gampaning Dapat Gampanan ng mga Lider at Manggagawa Kapag Natukoy na Ginugulo ng mga Anticristo ang Iglesia
Susunod, pagbabahaginan natin ang pangunahing paksa. Kumpleto na ang pagbabahaginan natin sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Para sa pagbabahaginang ito, tatalakayin natin ang ikalabintatlong responsabilidad: “Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.” Ang ikalabintatlong responsabilidad ay kinabibilangan ng paksa sa kung paano dapat tinatrato ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo. Anong gawain ang dapat na gawin ng mga lider at manggagawa kapag lumilitaw ang mga anticristo sa iglesia. Una, sinasabi ng responsabilidad na ito na kapag nilulutas ang mga gayong problema, kailangang kumilos ang mga lider at manggagawa para protektahan ang mga kapatid mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo. Ito ang unang gampaning dapat nilang gawin. Tungkol naman sa kung paano ginugulo, nililihis, kinokontrol, at lubhang pinipinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, marami nang napagbahaginan tungkol dito dati, kaya ang nilalamang ito ay hindi ang magiging pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon. Ngayong araw, tutuon tayo sa kung anong mga responsabilidad ang dapat na tuparin ng mga lider at manggagawa at kung anong gawain ang dapat nilang gawin kapag nahaharap sa mga pag-uugali at kilos na ito ng mga anticristo para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kapahamakan. Una, dapat protektahan ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo—isa ito sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang ibig sabihin ng “isa sa mga responsabilidad”? Ibig sabihin nito, sa maraming gampaning ginagawa ng mga lider at manggagawa, isang mahalagang gampanin ang pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos para makapamuhay sila ng normal na buhay iglesia nang walang panggugulo at lubhang pamiminsala ng mga antictisto. Isa rin itong gampaning hindi matatakasan kung saan hindi nila pwedeng iwasan ang responsabilidad nila. Dapat itong pahalagahan ng mga lider at manggagawa at hindi nila ito dapat na pabayaan. Ang pagpapanatili sa normal na takbo ng buhay iglesia ay isang napakahalagang gampanin at ang pinakapangunahing gampanin sa lahat ng gawain ng iglesia. Responsabilidad din ito ng mga lider at manggagawa. Ang pinakapangunahing gawain ng mga lider at manggagawa ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa katotohanang realidad. Kapag dumarating si Satanas at ang mga anticristo para guluhin at ilihis ang mga tao, at para makipag-agawan sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, dapat tumindig ang mga lider at manggagawa para ilantad ang mga anticristo para makilatis sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, na magtutulot sa mga anticristo na ibunyag ang tunay nilang anyo, at pagkatapos ay paalisin sila sa iglesia. Ito ay para hindi makontrol at lubhang mapinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa kapag gumagawa ng gawain ng iglesia. Kaya, ano ang ibig sabihin ng makaiwas sa mga bagay na ito? Paano dapat makaiwas sa mga ito? Ang salitang “makaiwas” ay literal na nangangahulugang pigilan na mangyari ang isang bagay sa abot ng makakaya. Ano ang mahalagang punto rito? Nagkakamit ng pag-iwas ang pagpipigil na mangyari ang mga insidente. Sa pangangasiwa ng mga insidente ng mga anticristo, ang pangunahing gawain ng mga lider at manggagawa ay pigilan ang mga anticristo na guluhin, ilihis, kontrolin, at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya. Dapat nilang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo sa abot ng makakaya nila. Ito ang susing gawain na kailangang gawin ng mga lider at mangaggawa, at ito ang kailangan natin para malinaw na pagbahaginan ang ikalabintatlong responsabilidad. Kaya, paano mapoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagpigil na mangyari ang masasamang gawang ito na ginagawa ng mga anticristo. Maraming gawi at pamamaraan para pigilan ang mga ito, tulad ng paglalantad, pagpupungos, paghihimay, at paglilimita. Ano pa? (Pagpapatalsik.) Iyon ang huling hakbang. Kapag wala pa ring pagkilatis ang mga kapatid at hindi nila alam na anticristo ang isang tao, pero natukoy na ng mga lider at manggagawa na anticristo ang taong iyon, kung direkta nilang patatasikin ang taong iyon, ang mga walang pagkilatis ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro at paghusga, at maaaring panghinaan ng loob ang ilan. Sa mga gayong kaso, ano ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ano nga ang kababanggit Ko lang? (Paglalantad, pagpupungos, paghihimay, at paglilimita.) May anumang magandang paraan ba kayo para pigilan ang mga anticristo sa paggawa ng masama? Magandang pamamaraan ba ang pagsubaybay sa kanila? Maituturing ba itong epektibong gawi at pamamaraang naaayon sa mga prinsipyo? (Oo.) Ano ang angkop na paraan para tratuhin ang mga anticristo? Gagana ba ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino sa mga anticristo? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; tutol sila rito.) Tutol sa katotohanan ang mga anticristo at hindi nila ito tinatanggap, kaya hindi angkop ang paggamit ng mga pagsubok, pagpipino, paghatol, at pagkastigo para pangasiwaan ang mga anticristo. Dagdag pa rito, hindi ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito sa kanila. Hindi angkop ang ideyang ito, kaya tiyak na hindi magiging epektibo ang pamamaraang ito. Kung gayon, anong pamamaraan ba ang naaangkop? Ang maraming taong labis na nagdusa sa pamiminsala ng mga anticristo ay labis na namumuhi sa kanila at naniniwala na dapat silang husgahan, kondenahin, at ibunyag sa publiko. Iniisip nila na dapat mapilit ang mga anticristo na umamin sa mga pagkakamali ng mga ito at hayagang ikumpisal ang mga kasalanan ng mga ito sa iglesia at lubusang ipahiya. Sa tingin ninyo, magiging angkop bang gamitin ang mga ganitong pamamaraan? (Hindi.) Kung isasaalang-alang natin ang diwa ng mga anticristo, hindi naman talaga kalabisang kumilos nang ganoon—paano man matrato ang isang diyablo ay ayos lang; pwede itong gawin nang kasingkaswal ng pagdurog sa isang insekto. Kaya ang layon ng mga lider at mangagagwa sa paggawa nito ay tila napakalehitimo at tama, pero may anumang isyu ba sa mga pamamaraang ito? Nasa saklaw ba ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito? Naaayon ba sa mga prinsipyo o hindi ang paggawa sa mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Malinaw na hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Saan nanggagaling ang mga prinsipyo? (Mula sa mga salita ng Diyos.) Tama iyan. Bagama’t ang mga pakay ng mga gayong kilos ay mga anticristo—mga diyablo—ang mga pamamaraan ay dapat na umayon sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos, dahil sa paggawa ng gawaing ito, tinutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila, hindi sila nangangasiwa ng mga isyu ng pamilya o mga personal na usapin.
I. Paglalantad
Responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang pangangasiwa sa mga anticristo at pagpigil sa kanila na makagawa ng kasamaan at paglilihis at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang layon ay ang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kapahamakan, hindi ang pahirapan ang sinuman o sunggaban ang oportunidad na makapaghiganti sa sinuman, at tiyak na hindi para maglunsad ng mga kampanya laban sa sinuman. Samakatwid, anong mga gampanin ang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa sa abot ng makakaya nila para pigilan ang mga anticristo na gumawa ng kasamaan? Ang una ay ang ilantad ang mga ito. Ano ang layon ng paglalantad? (Para matulungan ang mga tao na magkaroon ng pagkilatis.) Tama iyan. (Ito ay para matulungan ang mga tao na magkaroon ng pagkilatis. Tama iyan. Ito ay para tulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na kilatisin ang diwa ng mga anticristo, para sa loob-loob nila ay mailayo nila ang sarili nila sa mga anticristo at hindi sila malihis ng mga ito, at para—kapag sinusubukan ng mga anticristo na ilihis at kontrolin sila—nagagawa nilang aktibong tanggihan ang mga ito, sa halip na tulutan ang mga anticristo na manipulahin at paglaruan sila. Kaya, mahalaga bang ilantad ang mga anticristo? (Oo.) Napakahalagang ilantad sila, pero dapat na tumpak mo silang malantad. Kung gayon, paano mo sila dapat ilantad? Ano ang dapat na maging batayan ng paglalantad mo? Ayos lang ba na basta-basta silang bansagan? Ayos lang bang basta na lang silang kondenahin nang walang batayan? (Hindi.) Kaya, paano mo sila dapat ilantad nang tumpak para makamit ang layong protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos? (Sa isang banda, dapat obhetibo at makatotohanan natin silang ilantad batay sa katunayan ng masasamang gawa nila. Dagdag pa rito, dapat natin silang kilatisin at himayin ayon sa mga salita ng Diyos.) Tumpak ang dalawang pahayag na ito; hindi pwedeng mawala ang dalawang aspekto. Sa isang banda, dapat may tunay na ebidensiya. Dapat mong husgahan at tukuyin ang diwa nila batay sa mga maling salita, kilos, at katawa-tawang isipan at pananaw na ibinubunyag ng mga anticristo. Gayumpaman, ang pinakamahalagang bagay ay ang kilatisin at himayin sila ayon sa mga salita ng Diyos. Aling mga salita ng Diyos ang dapat mong pagbatayan? Aling mga salita ang pinakadirekta at pinakamatalas? (Ang mga salitang naglalantad sa mga anticristo.) Tama iyan; dapat kang maghanap ng ilang salitang naghuhubad sa maskara ng mga anticristo para ilantad sila at magkumpara nang nararapat at walang kinikilingan, nagtitiyak ng lubos na katumpakan. Makakaunawa ang mga kapatid pagkatapos itong marinig; agad silang magkakaroon ng pagkilatis sa taong nasasangkot, at magiging mapagbantay sila laban dito. Dahil may pagkilatis na sila sa puso nila, masusuklam sila sa taong ito: “Kaya pala, anticristo pala talaga siya! Tinulungan niya ako dati at ginawan pa nga niya ako ng mga pabor. Inakala kong mabuti siyang tao. Sa pamamagitan ng paghihimay at pagbabahaginang ito, nalantad na ang kanyang pagpapaimbabaw at ang esensiyal niyang mga anticristong pagpapamalas, na nakakatulong sa lahat na makita na mapanganib ang taong ito. Inilantad siya ng mga salita ng Diyos nang napakatumpak! Hindi siya isang mabuting tao. Nagsasabi siya ng magagandang bagay at tila walang problema sa mga kilos niya, pero sa pamamagitan ng paglalantad sa diwa niya, malinaw na ngayon na isa nga siyang anticristo.” Batay sa pagbabago ng mga iniisip ng mga tao, kapag ginagawa ng mga lider at manggagawa ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo, pinipigilan nila ang mga anticristo na ilihis at guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya nila. Siyempre, tinutupad din nila ang responsabilidad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kontrol at malubhang pamiminsala ng mga anticristo. Ginagawa nila ang isa sa mga gampanin nila sa isang praktikal na paraan. Aling gampanin ito? Ang paglalantad sa mga anticristo. Ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo ay isa sa mga gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Pagdating naman sa iba’t ibang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa, hindi natin pagsusunud-sunurin ang mga ito ayon sa lawak o sa mga resultang nakakamit ng mga ito; pagbahaginan muna natin ang gawain ng “paglalantad.” Ang paglalantad sa kalikasang diwa ng mga anticristo ay kinabibilangan ng paglalantad sa mga intensiyon, layon, at kahihinatnan ng kanilang palagiang masasamang gawa na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia; na naglalantad kung paanong ang mga anticristo, habang naglilingkod bilang mga lider at manggagawa, ay hindi talaga gumagawa ng anumang totoong gawain sa iglesia at binabalewala ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; inilalantad ang pangit na mukha ng mga anticristo bilang mga tao na hindi man lang kilala ang sarili nila, hindi kailanman nagsasagawa sa katotohanan, at nagsasabi lang ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao; at inilalantad ang iba’t iba nilang kasabihan at kilos sa harap ng mga tao at kapag nakatalikod ang mga ito. Ang lubusang paglalantad sa mga aspektong ito ay nagpapakita ng tunay na anyo ng mga anticristo bilang mga Satanas at diyablo. Isa itong mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang kailangang taglayin ng mga lider at manggagawa para isagawa ang gampaning ito? Una sa lahat, kailangan nilang magkaroon ng partikular na pagpapahalaga sa pasanin, hindi ba? (Oo.) Kapag pinapasan ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad na ito, madalas nilang iniisip, “Anticristo ang taong iyon. Madalas na lumalapit sa kanya ang mga kapatid para magtanong, palaging nakikipaglapit sa kanya at may magandang ugnayan sa kanya. Dahil nalihis ng taong ito, maraming tao ang partikular na umiidolo sa kanya. Ano ang dapat na gawin tungkol dito?” Lumalapit sila sa harapan ng Diyos para magdasal at madalas na sinasadya nilang hanapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, sinasangkapan ang sarili nila ng katotohanan sa aspektong ito. Pagkatapos, hinihiling nila sa Diyos na ihanda ang tamang panahon o naghahanap sila mismo ng naaangkop na oras at pagkakataon para makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa usaping ito. Itinuturing nila ito bilang kanilang pasanin at isang mahalagang gampaning kailangan nilang sunod na gawin. Palagi silang naghahanda, naghahanap, nagdarasal sa Diyos para sa paggabay; palagi silang nasa ganitong uri ng kalagayan ng isipan at kondisyon. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pasanin. Pagkatapos maghanda nang may gayong pasanin sa loob ng ilang panahon, dapat silang maghintay hanggang sa mahinog na ang mga kondisyon. Sa pinakamababa, dapat silang maghintay hanggang sa dalawa o tatlong tao ang magkaroon ng tunay na pagkilatis sa anticristo bago sila makapagsimulang ilantad ang anticristo. Kung tutukuyin nila na isang anticristo ang isang tao batay lang sa mga damdamin nila, pero hindi nila makilatis kung talaga bang anticristo ang taong iyon o hindi, kung gayon, hindi sila dapat kumilos nang basta-basta. Sa madaling salita, kapag isinasagawa ang gawaing ito, tiyak na magkakaroon sila ng pagtanglaw at paggabay ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng paggawa ng tootong gawain at pagtupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
II. Pagpupungos
Pagkatapos isagawa ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo, bagama’t nagkaroon ng kaunting pagkilatis ang mga kapatid, bago ganap na mailantad ang mga anticristo, hindi maiiwasang lalo pa nilang ilihis at guluhin ang mga kapatid, na nagdudulot na idolohin, hangaan, at sundan sila ng mas maraming tao. Labis itong nakakaantala sa pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, na nakakahadlang sa buhay pagpasok nila at nagdudulot ng malaking pinsala. Kung gayon, ang ikalawang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay na kapag nililihis at ginugulo ng mga anticristo ang mga kapatid, o kapag malinaw na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo ang mga salita at kilos nila, dapat kuhain ng mga lider at manggagawa ang ebisensiya at agad na kumilos para pungusan sila, at ilantad ang masasamang gawa nila ayon sa mga salita ng Diyos, para makilatis at maunawaan ng mga kapatid ang tunay na mukha ng mga anticristo. Ito ang di-maiiwasang responsabilidad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos at pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat magpaupo-upo lang at walang gawin o magbulag-bulagan; dapat agad nilang sunggaban ang mga oportunidad, tukuyin ang mga insidente at kumilos para pungusan ang mga anticristo, tumpak na ilantad ang mga kilos, ambisyon, pagnanais, at ang diwa ng mga ito. Siyempre, kailangan din na mas tumpak na ilarawan kung anong uri ng tao ang mga anticristo, para malinaw itong makita ng mga kapatid, para malaman ito ng mismong mga anticristo, at para malaman ng mga anticristo na hindi lahat ay walang pagkilatis sa kanila at pwede nilang maloko—na kahit papaano ay kayang makilatis ng ilang tao ang mga kilos at pag-uugali nila at makilatis ang mga natatago nilang ambisyon at pagnanais, pati na ang diwa nila. Ang layon ng pagpupungos sa mga anticristo ay, siyempre, hindi lang para ilantad ang diwa nila gamit ang mga salita. Ang mas mahalaga, ano ito? (Sa isang banda, ito ay para tulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis, at para din limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo.) Tama. Ito ay para limitahan sila, para kapag gumagawa sila ng mga bagay na nakakalihis at nakakagulo sa mga tao, mag-aalinlangan sila at mangangamba; para mapasailalim sila sa mga limitasyon, magkaroon sila ng pagpipigil, at hindi sila mangahas na kumilos nang walang ingat; para maipaalam sa kanila na bukod sa nasa sambahayan ng Diyos ang katotohanan, na ang katotohanan ang naghahari, may mga atas administratibo rin ang sambahayan ng Diyos, at na hindi posibleng kumilos nang mapaniil at nang sutil na walang ingat sa sambahayan ng Diyos, na pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipahamak ang hinirang na mga tao ng Diyos; at para din ipaalam sa kanila na papapanagutin sila sa paggawa nila ng mga walang ingat na masamang gawang nakakagulo sa gawain ng iglesia at nakakapinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Habang agad na pinupungusan ang mga anticristo, dapat ding tumindig ang mga lider at manggagawa para ilantad sila, na nakakatulong sa mga tao na magkaroon ng pagkilatis at maunawaan ang mga ambisyon, pagnanais, layunin, at layon ng mga anticristo. Siyempre, ito rin ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Lahat ng ito ay mga konsiderasyong dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa, at nasa saklaw ng mga responsabilidad nila na isagawa ang gawaing ito; hindi nila ito pwedeng pabayaan o hindi sila pwedeng maging walang ingat tungkol dito, Kung matuklasan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo sa iglesia, dapat palagi silang maging mapagbantay sa mga salita at kilos ng mga ito at sa mga panlilinlang na ipinapakalat ng mga ito kapag walang nakakakita, at dapat nilang isagawa ang pagpupungos at paglalantad sa mga anticristo. Isa ito sa mga gampanin ng mga lider at manggagawa para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo at pamiminsala ng mga anticristo.
III. Paghihimay
Ano ang susunod na gampanin para sa mga lider at manggagawa? Ang maghimay. Ang paghihimay ay halos kaparehong-pareho ng paglalantad, pero may mga pagkakaiba sa antas. Pagdating sa paghihimay, hindi lang ito tungkol sa paglalantad sa isang katunayan, totoong sitwasyon, o pinagmulan; sangkot dito ang isyu ng paglalarawan, ibig sabihin, sangkot dito ang disposisyon ng mga anticristo, ang esensyal, ugat na isyung ito. Himayin ang saloobin nila sa Diyos, sa katotohanan, sa tungkulin nila, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pati na ang motibo, layunin, at layon sa likod ng pagpapakalat nila ng mga panlilinlang—ang mga dahilan kung bakit nila ito ginagawa—at kilatisin kung ano ba ang diwa nila sa pamamagitan ng mga iniisip, pananaw, pananalita, kilos, at mga disposisyon at pagpapamalas na ibinubunyag nila. Dapat itong ikumpara sa mga salita ng Diyos at ipaliwanag para magkamit ang mga kapatid ng mas malalim na pagkaunawa sa mga anticristo at malinaw nilang makita mula sa praktikal na perspektiba kung bakit sinasabi at ginagawa ng mga anticristong nasa harapan nila ang mga bagay na ito, kung ano ang perspektiba ng Diyos sa mga gayong tao, at kung paano Niya inilalarawan ang mga anticristo. Siyempre, dapat ding sabihin ng mga lider at manggagawa sa mga kapatid na lumayo sa mga anticristo at tanggihan ang mga ito, at maging mapagmatyag din laban sa panlilihis ng mga kilos, pag-uugali, pananalita, at mga pananaw ng mga anticristo para maiwasang magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, maging mapagbantay laban sa Diyos, lumayo sa Diyos, tanggihan ang Diyos, at maging ang husgahan at kondenahin ang Diyos sa loob-loob nila tulad ng ginagawa ng mga anticristo. Ang layon ng paghihimay, tulad ng iba pang mga gampanin gaya ng paglalantad at pagpupungos, ay para pigilan ang mga anticristo sa panlilihis, panggugulo, at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa lubhang pamiminsala ng mga anticristo at mula sa paglihis mula sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kapag malinaw na nakikita ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga katunayan at totoong sitwasyon tungkol sa kung paano ginugulo ng mga anticristo ang iglesia at kapag malinaw nilang nakikita ang diwa ng mga anticristo, hindi na sila malilihis at makokontrol ng mga anticristo. Kahit na may ilang taong magulo ang isipan at hangal, na humahanga at umiidolo pa rin sa mga anticristo sa loob-loob ng mga ito at nakikisalamuha at nakikipaglapit sa kanila, hindi na makapagdudulot ng malalaking isyu ang mga anticristo. Gagawa lang sila ng ilang bagay sa mga hangal na tao, nang hindi talaga naaapektuhan ang buhay pagpasok ng mga sinserong nananampalataya sa Diyos, at kaya, hindi nila magugulo o magagambala ang gawain ng iglesia. Ang pag-abot sa antas na ito ay ang dapat makamit ng mga lider at manggagawa. Ibig sabihin, dapat nilang tiyakin na iyong mga sinserong nananampalataya sa Diyos at kusang-loob na gumagawa ng mga tungkulin nila at iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakakapamuhay ng normal na buhay iglesia at nakakatupad sa mga tungkulin nila. Kasabay nito, dapat din nilang matiyak na ang mga taong ito ay makapagbabantay laban sa panlilihis at mga panggugulo ng mga anticristo, at makatatanggi sa mga anticristo. Ito ay pagpigil sa masamang ginagawa at mga panggugulo ng mga anticristo sa abot ng makakaya nila, ganap na nakakamit ang epekto ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos. Siyempre, gaano mo man kaepektibong ginagawa ang gawain mo at gaano man kadetalyado ang pagsasalita mo, hindi maiiwasang magkakaroon ng ilang hangal na tao, mga taong may mahinang kakayahan, at mga taong magulo ang isip na hindi kayang tanggihan ang mga anticristo at hahanga at titingala pa rin sa mga anticristo sa kanilang puso. Gayumpaman, karamihan ng tao ay makakamit na ang puntong kaya na nilang tanggihan ang mga anticristo. Kung kaya itong makamit ng mga lider at manggagawa, mapoprotektahan na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya, ganap na nakakamit ang ninanais na resulta. Para naman sa mahihina ang isip na hindi nakakaunawa sa katotohanan paano man ito pagbahaginan, kung kaya pa rin nilang magtrabaho nang kaunti, dapat silang mabigyan ng kaunting malasakit at pagtulong, pati ng higit pang pagmamahal, pagpapasensiya, at pagpaparaya. Ito ay paggawa ng lahat ng bagay na dapat gawin ng isang tao, at ang paggawa sa ganitong paraan ay maprinsipyo. Marami bang lider at manggagawa na nakakatugon sa pamantayang ito? (Hindi.) Samakatwid, kailangang gawin ang pinakamalaking pagsisikap; dapat mong protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos nang walang kapaguran at sa abot ng makakaya. Ano ang ibig sabihin ng “sa abot ng makakaya”? Ibig sabihin nito ay gawin ang lahat ng posible para pagbahaginan ang mga katotohanang prinsipyong nauunawaan mo, ipresenta ang ebidensiyang nakalap na—ang iba’t ibang pagpapamalas ng masasamang gawa ng mga anticristo—inuugnay ang mga ito sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, at pagbahaginan at himayin ang mga ito. Ito ay para malinaw na makita ng mga kapatid ang tunay, totoong sitwasyon, kilatisin at maunawaan ang diwa ng mga anticristo, at alamin ang saloobin ng Diyos sa mga anticristo. Isa itong mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa.
IV. Paglilimita
Ano ang susunod na gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ito ay ang maglimita. Ang gawaing ito ng “paglilimita” ay madaling isagawa; kinabibilangan ito ng ilang espesyal na paraan para makamit ang resulta ng paglilimita. Halimbawa, ang mga anticristo ay palaging nagsasabi ng mga salita at doktrina, palaging itinataas ang sarili nila, minamaliit ang iba minsan, madalas na nagpapatotoo sa kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis nila at kung ano ang mga iniambag nila sa sambahayan ng Diyos sa panahon ng mga pagtitipon, at walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa sarili nila, ipinapangalandakan kung paanong hinahangaan sila ng iba, at kung paanong mas magaling sila kaysa sa iba, kung paanong katangi-tangi sila, at iba pa. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang lahat ng makakaya nila para limitahan ang iba’t ibang masamang gawa ng mga anticristo na naglilihis at kumokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na patuloy na bigyang-layaw ang mga anticristo. Dapat nilang limitahan ang oras ng pagsasalita ng mga anticristo at ang mga paksang tinatalakay ng mga ito. Dagdag pa rito, tungkol sa mga kilos ng mga anticristo sa publiko man at sa pribado, tulad ng paggamit ng maliliit na pabor para pumanig sa kanila ang mga tao, paghahasik ng alitan, pagpapakalat ng mga kuru-kuro at mga negatibong komento, at iba pa, ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat kumilos na parang sila ay bingi o bulag. Dapat agad nilang arukin ang mga kilos ng mga anticristo; kapag natuklasan nila ang mga ugaling nakakalihis at nakakagulo sa iba, dapat agad nilang ilantad at himayin ang mga pag-uugaling ito at magpataw ng mga limitasyon sa mga anticristo, na hindi nagtutulot sa kanila na maglibot at manlihis ng mga tao at manggulo sa gawain ng iglesia. Isa ba ito sa mahahalagang gampanin na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kaya mo bang limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo sa pamamagitan lang ng pagpupungos, paglalantad, at paghihimay sa kanila? (Hindi.) Hindi mo sila pwedeng limitahan sa ganitong paraan dahil mga Satanas at mga diyablo sila. Hangga’t hindi nakagapos ang mga kamay at paa nila, at hindi nakakandado ang bibig nila, magpapakalat sila ng mga panlilinlang at magsasabi sila ng mga maladiyablong salita na nakakagulo sa mga tao. Dapat agad na umaksiyon ang mga lider at manggagawa para limitahan ang mga ito; lalo na kapag nagpapakalat ang mga ito ng mga panlilinlang para ilihis at guluhin ang mga tao, dapat na maagap na pigilan at hadlangan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo. Dapat ding bigyang-kakayahan ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng pagkilatis at malinaw na makita ang tunay na mukha ng mga anticristo. Ito ang aktuwal na gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa.
V. Pagsubaybay
Pagkatapos limitahan ang mga anticristo, ang susunod naman ay ang pagsubaybay sa kanila. Tingnan kung sino ang nailihis ng mga anticristo at kung anong mga panlilinlang at mga maladiyablong salita ang ipinakalat nila habang walang nakakakita, suriin kung pumapanig sila sa malaking pulang dragon at kung kumikilos sila nang naaayon dito, kung nakipag-alyado na ba sila sa komunidad ng relihiyon, kung lihim ba silang nagmamanipula kasama ang mga kasabwat nila, kung maaari ba silang magbenta ng ilang mahalagang impormasyon tungkol sa sambahayan ng Diyos, at iba pa. Isa rin itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Bago mailantad ang mga kilos ng mga anticristo, ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat “ganap na ginugugol ang sarili nila sa pag-aaral ng mga aklat ng mga pantas at hindi nagbibigay-pansin sa mga panlabas na usapin,” bagkus ay dapat silang maging kasingtuso ng mga ahas. Kapag nadiskubre ng mga lider at manggagawa na isang anticristo ang isang tao, kung hindi pa dumarating ang oras para paalisin at patalsikin ang taong iyon, dapat mahigpit nilang subaybayan ang mga ito para pigilan ang mga ito na patuloy na gumawa ng kasamaan, na nagtitiyak na ang mga salita at kilos ng mga ito ay nasusubaybayan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil mahilig ang mga anticristo sa kapangyarihan at pakikipag-ugnayan sa mga makapangyarihang tao, dapat bantayang mabuti ng mga lider at manggagawa kung sino ang palaging nakakaugnayan ng mga anticristo kapag walang nakakakita at kung nakikipag-usap ba ang mga ito sa mga relihiyosong tao. Ang ilang anticristo ay madalas na nakikisalamuha sa mga relihiyosong pastor at elder, at ang ilan ay nakikisalamuha pa nga sa mga taga-United Front Work Department. Kapag nangyayari ang mga gayong insidente, hindi dapat magbulag-bulagan ang mga lider at manggagawa rito, bagkus ay dapat silang maging mapagmatyag laban sa mga anticristo at maging mapagbantay. Kapag nakita ng isang anticristo na ang mga paraan ng panlilihis at pang-aakit sa mga tao na pumanig sa kanila ay hindi gumagana sa sambahayan ng Diyos at na nalantad na ang masasamang gawa nila, at alam nilang hindi maganda ang kauuwian nila, hindi mo mahuhulaan kung ano ang maaari nilang gawin o kung hanggang saan maaaring umabot ang kasamaan nila. Samakatwid, kapag nakakatiyak ka na sa puso mo na isang anticristo ang isang tao, dapat subaybayan mo siyang mabuti at bantayan siya nang walang humpay. Responsabilidad mo ito. Ano ang layon ng paggawa nito? Ito ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, at para pigilan, sa abot ng makakaya, ang mga anticristo sa paggawa ng mga maling gawa laban sa iglesia at pigilan ang mga kapatid na pinsalain ang mga kapatid. May ilang anticristo na palaging nagtatanong tungkol sa mga handog: “Sino ang nangagasiwa ng pera ng sambahayan ng Diyos? Sino ang nag-aasikaso ng mga account? Tumpak bang natatala ang mga account? Posible bang may nagaganap na pagwawaldas? Saan nakatago ang pera ng iglesia? Hindi ba’t dapat na gawing publiko ang mga bagay na ito, para mabigyan ang lahat ng karapatang malaman ang tungkol sa mga ito? Gaano karami ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos? Sino ang may pinakamalaking ambag? Bakit hindi ko alam ang mga bagay na ito?” Dahil sa kanilang mga salita, tila nagmamalasakit sila sa mga pinansiyal na usapin ng sambahayan ng Diyos, pero ang totoo, may iba silang motibo. Walang ni isang anticristo na hindi nag-iimbot ng pera. Kaya ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa mga gayong kaso? Una, dapat mong pamahalaan nang wasto ang mga handog, ipagkatiwala ang mga ito sa pangangalaga ng mga mapagkakatiwalaang tao, at hinding-hindi mo dapat hayaan ang mga anticristo na magtagumpay sa pagkamit ng mga pakay nila—hindi dapat maging magulo ang isip mo sa puntong ito. Sa sandaling lumitaw ang ganitong uri ng sitwasyon, dapat mong mapagtanto: “May mali. May gagawin ang anticristo. Pinupuntirya niya ang pera ng iglesia. Maaaring nagpaplano siyang makipag-alyado sa malaking pulang dragon para bumuo ng mga plano para kuhain ang pera ng iglesia. Kailangan nating kumilos agad!” Sa isang banda, hindi mo pwedeng hayaang malaman ng mga anticristo kung sino ang namamahala sa mga pinansiya ng sambahayan ng Diyos. Dagdag pa rito, kung nararamdaman ng mga taong namamahala sa pera na may panganib sa seguridad, dapat agad na mailipat kapwa ang pera at ang mga taong namamahala rito. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat alalahanin ng mga lider at manggagawa, at ang gawaing dapat nilang gampanan? (Oo.) Sa kabaligtaran, naririnig ng mga hangal na lider na sinasabi ng mga anticristo ang mga bagay na ito pero iniisip nila, “Nagdadala ng pasanin ang taong ito at alam niya kung paano magpakita ng malasakit sa pera ng sambahayan ng Diyos, kaya bigyan natin siya ng ilang responsabilidad at hayaan siyang tumulong sa pag-a-account.” Sa paggawa nito, hindi ba’t naging mga Judas na sila? (Oo.) Bukod sa nabigo silang protektahan ang mga handog, ipinagkanulo pa nila ang mga ito sa mga anticristo, kaya talagang nagiging mga Judas sila. Ano ang tingin mo sa mga lider at manggagawang ito? Hindi ba’t masasamang tao sila? Hindi ba’t mga diyablo sila? Bukod sa nabigo silang tuparin ang mga responsabilidad nila, ipinasa rin nila sa mga anticristo ang mga handog sa Diyos at ang mga kapatid. Samakatwid, sa mga lugar kung saan may mga anticristo, kapag natuklasan ng mga lider at manggagawa ang anumang pahiwatig nito, dapat silang magsimula ng imbestigasyon at gumawa ng ilang partikular na gawain, kung saan ang gawain ng “pagsubaybay” ay hindi pwedeng mawala.
Ang gawain ng pagsubaybay na isinasagawa ng mga lider at manggagawa ay hindi tungkol sa pagsasagawa ng pag-eespiya o anumang aktibidad na nangtitiktik; tungkol lang ito sa pagtupad sa responsabilidad mo, pagiging mas mapagsaalang-alang, mas pagmamasid nang maingat, at pagtatala sa kung anong ginagawa ng mga anticristo at kung anong balak nilang gawin. Kung makatuklas ka ng anumang palatandaang gumagawa sila ng kasamaan at na ginugulo nila ang iglesia, dapat kang gumawa ng mga kontra-hakbang sa lalong madaling panahon; hinding-hindi mo sila pwedeng tulutan na magtagumpay. Ito ay paghadlang, sa abot ng makakaya, sa mga insidenteng dulot ng mga anticristo na nakakagulo sa gawain ng iglesia. Natural na napapangalagaan din nito ang gawain ng iglesia at napoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Isa itong pagpapamalas ng mga lider at manggagawang tumutupad sa mga responsabilidad nila. Ang pagsubaybay ay hindi nangangahulugan ng pagsasaayos ng ilang tao na kumilos bilang mga espiya, at inuutusan silang sundan, buntutan, at manmanan ang mga tao na parang mga espiya, o paghahalughog sa bahay ng mga ito at paggamit ng matitinding pamamaraan ng interogasyon. Hindi nakikisangkot ang sambahayan ng Diyos sa mga gayong aktibidad. Gayumpaman, dapat agad mong maunawaan ang sitwasyon ng mga anticristo. Pwede kang magtanong tungkol sa sitwasyon nila kamakailan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kapamilya nila o sa mga kapatid na nakakakilatis sa kanila o kaya ay pamilyar sa kanila. Hindi ba’t lahat ng ito ay mga pamamaraan at gawi para sa paggawa ng gawaing ito? Kung ginagampanan ng mga lider at manggagawa ang mga gampaning nasa saklaw ng mga responsabilidad nila at tumutugon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, tinutupad nila ang mga responsabilidad nila. Ano ang layon ng mga lider at manggagawang tumutupad sa mga responsabilidad nila? Ito ay para gawin mo ang lahat ng kaya mo para pigilan ang mga anticristo na magdulot ng mga paggambala at panggugulo sa abot ng makakaya, at sa gayon ay mapigilan ang mga anticristo na mapinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos at ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Hindi ba’t napipigilan nito ang paglitaw ng mga insidente ng anticristo sa abot ng makakaya? Hindi ba’t ang mga lider at manggagawa na gumagawa ng mga kilos na ito ay ginagawa ang lahat ng posible para sa tao? (Oo.) Mahirap bang gawin ito? (Hindi.) Hindi ito mahirap; isa itong bagay na kayang makamit ng mga nakakaunawa sa katotohanan. Ang kayang makamit ng mga tao, dapat nilang gawin ang lahat ng magagawa nila para maisakatuparan ito; bahala na ang Diyos sa natitira pa, para gamitan Niya ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pamatnugutan, at gabayan. Ito ang pinakahindi natin inaalala. Nasa likod natin ang Diyos. Bukod sa nasa puso natin ang Diyos, may tunay na pananalig din tayo. Hindi ito espirituwal na pagsuporta; sa katunayan, nasa dilim ang Diyos, at nasa piling Siya ng mga tao, palaging kasama nila. Sa tuwing gumagawa ng anumang bagay ang mga tao o gumagawa ng anumang tungkulin, nanonood Siya; naroon Siya para tulungan ka sa anumang oras at saanmang lugar, inaalagaan at pinoprotektahan ka. Ang dapat gawin ng mga tao ay gawin ang pinakamakakaya nila para isakatuparan ang dapat nilang isakatuparan. Hangga’t may kamalayan ka, nakadarama sa puso mo, nakakakita sa mga salita ng Diyos, napapaalalahanan ng mga tao sa paligid mo, o nabibigyan ng anumang tanda o pahiwatig ng Diyos na nagbibigay sa iyo ng impormasyon—na isa itong bagay na dapat mong gawin, na ito ang atas ng Diyos sa iyo—kung gayon, dapat mong tuparin ang responsabilidad mo at hindi lang basta umupo sa isang tabi o manood sa gilid. Hindi ka isang robot; may utak at isipan ka. Kapag may nangyayari, alam na alam mo ang dapat mong gawin, at tiyak na mayroon kang mga damdamin at kamalayan. Kaya ilapat mo ang mga damdamin at kamalayang ito sa mga aktuwal na sitwasyon, gawin mong mga kilos ang mga ito, at sa ganitong paraan, matutupad mo ang responsabilidad mo. Para sa mga bagay na maaari kang magkaroon ng kamalayan, dapat kang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan mo. Sa ganitong paraan, ginagawa mo ang pinakamakakaya mo at nagsisikap ka nang husto para gawin ang tungkulin mo. Bilang isang lider o manggagawa, kapag nagsisikap ka nang husto, ibig sabihin, kapag pinipigilan mo ang masasamang gawa ng mga anticristo sa abot ng makakaya mo, malulugod ang Diyos na kaya mong magsagawa sa ganitong paraan. Bakit malulugod ang Diyos? Tutukuyin ng Diyos ang mga gayong lider at manggagawa: Tinutupad nila ang mga responsabilidad nila at nagsisikap sila nang husto para gampanan ang gawaing likas sa papel nila. Pagsang-ayon ba ito ng Diyos? (Oo.)
VI. Pagpapatalsik
Ang ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay kinabibilangan ng mga partikular na gampaning kailangan nilang isagawa, ang ilan sa mga ito ay inilista natin: Dapat nilang isagawa ang paglalantad, pagpupungos, paghihimay, paglilimita, at pagsubaybay sa mga anticristo. Tapos na ang pagbabahaginan tungkol sa mga pangunahing prinsipyong ito. Anuman ang mga partikular na aksiyong ginagawa ng mga lider at manggagawa sa mga espesyal na sitwasyon, nananatiling hindi nagbabago ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga anticristo. Bukod dito, ang pangunahing layon ng mga gampaning ito ay ang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ipagpalagay nang nagkaisa na ang hinirang na mga tao ng Diyos na kilalanin ang isang tao bilang isang anticristo, at nakilatis at lubos nilang natukoy na ang anticristo ay palaging naghahangad na ilihis at kontrolin ang mga tao; alam nila na hangga’t nariyan ang anticristo, walang magiging maayos na araw o normal na buhay iglesia, at nagkakaisa ang lahat na igiit na alisin ang anticristo sa iglesia. Sa mga ganitong sitwasyon, patuloy na itinataguyod ng ilang lider at manggagawa na panatilihin ang anticristo para gamitin bilang pagsasanay para sa pagsasagawa ng paglalantad, pagpupungos, paghihimay, paglilimita, at pagsubaybay—kailangan pa bang dumaan sa mga prosesong ito? Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Kung hindi tayo daraan sa mga prosesong ito, hindi ba’t pinapabayaan ko ang mga responsabilidad ko? Sa pamamagitan lang ng pagdaan sa mga prosesong ito nabibigyang-diin ang papel ko bilang lider. Kailangan kong isagawa ang gawaing ito. Sumasang-ayon man ang mga kapatid o hindi, kailangang hayaan ko munang manatili ang anticristo. Ilalantad ko muna siya, pagkatapos ay pupungusan at hihimayin ko siya, at hahayaan ko ang mga kapatid na higit pang kumpirmahin na isa nga siyang anticristo. Kapag sumasang-ayon na ang lahat, saka natin siya aalisin o papatalsikin. Hindi ba’t magiging mas epektibo ito?” Bilang resulta, sa panahong ito, muling nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang anticristo para muling ilihis ang mga tao at guluhin ang gawain ng iglesia, na nagdudulot ng pangamba sa lahat, ayaw pa ngang dumalo ng ilan sa mga pagtitipon. Para ipakita ang determinasyon nila at patunayang hindi nila pinapabayaan ang mga responsabilidad nila, ang mga lider at manggagawang ito ay paimbabaw na iniraraos lang ang mga bagay-bagay at pinapatagal ang gawain. Dahil dito, gumagawa sila ng maraming bagay na hindi naman kinakailangan, ginugulo nila ang kaayusan ng buhay iglesia, at sinasayang nila ang mahalagang oras ng hinirang na mga tao ng Diyos sa paghahangad sa katotohanan, at pagkatapos ay saka lang nila pinapaalis ang anticristo. Katanggap-tanggap ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Ano ang mali rito? (Pagsunod lang ito sa mga regulasyon at pagraos lang ng mga bagay-bagay.) Ano ang layon ng mga lider at manggagawa na gumagawa ng mga gawaing ito? (Para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos.) Kaya, kung hindi pa nakikilatis ng ilang tao ang anticristo at medyo malapit pa rin ang loob nila rito, at kapag nagpasya ang mga lider at manggagawa na patalsikin sa iglesia ang anticristo, nagagalit ang ilang tao, sinasabing ang sambahayan ng Diyos ay hindi mapagmahal o patas sa mga tao, walang mga prinsipyo sa paggawa nito ng mga bagay, at iba pa, at maging ang ilang taong magulo ang isip ay nalilihis at naiimpluwensiyahan ng anticristo at gusto nilang sumunod sa anticristo palabas ng iglesia, ano ang dapat gawin sa sitwasyong ito? Sa panahong ito, kailangang gumawa ng mga lider at manggagawa ng ilang mahalagang gawain, tulad ng pagsasagawa ng pagpupungos sa anticristo at paggamit ng mga salita ng Diyos para ilantad at himayin ang anticristo para praktikal na matuto ng mga aral ang mga kapatid at sa huli ay makilatis nila ang anticristo. Isang araw, sinasabi nila, “Labis na kasuklam-suklam ang taong ito. Isa nga siyang masamang tao at isang anticristo. Alisin na natin siya agad!” Hindi lang ito boses ng isang tao kundi boses ng maraming kapatid. Sa ganitong kaso, kailangan pa bang gawin ang gawain ng paglilimita at pagsubaybay sa anticristo? Hindi, patalsikin na lang siya nang direkta. Ang mga lider at manggagawang umabot sa ganitong antas sa gawain nila ay nakamit na ang resulta ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo. Ano ang pinapatunayan nito? Sa isang aspekto, pinapatunayan nito na ang mga kapatid sa iglesiang ito ay may pagkilatis, kakayahan, at pagpapahalaga sa katarungan. Sa isa pang aspekto, maaaring may kakayahan ang mga lider at manggagawa na gumawa ng aktuwal na gawain, o maaaring masyadong lantad ang mga kilos ng anticristong ito, masyadong masama at buktot ang pagkatao niya, na pumupukaw sa galit ng publiko, at siya mismo ang sumisira sa sarili niyang kinabukasan, na nagligtas sa mga lider at manggagawa mula sa maraming proseso ng pangangasiwa sa kanya. Hindi ba’t nakakatipid ito ng malaking pagsisikap? Sa gayong sitwasyon, isang mabuting bagay ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanya, hindi ba? Bukod dito, ang gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa ay malawak at hindi limitado sa iisang gampaning ito. Iniisip mo bang ang pagpapatalsik sa anticristo ang katapusan na nito? Na ganap mo nang napagtagumpayan ang lahat? Malayo ka pa! May iba ka pang gawaing kailangang gawin. Bukod sa pangangasiwa sa mga anticristo at pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo, may responsabilidad din ang mga lider at manggagawa na akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos sa realidad ng mga salita ng Diyos, na akayin silang lutasin ang mga tiwaling disposisyon nila, at akayin silang lutasin ang mga disposisyon nila ng anticristo, kasama ng marami pang ibang mahalagang gampanin. Gayumpaman, kung lilitaw ang isang anticristo habang ginagawa ang mga gampaning ito, nagiging pangunahing priyoridad ang pangangasiwa sa anticristo. Dapat munang ilantad at tugunan ang anticristo, at pagbahaginan din ang iba pang mga aspekto ng katotohanan. Kung lilitaw ang panggugulo ng anticristo at nagiging napakahirap na para magpatuloy ang iba pang gawain, at nahahadlangan at napapakialaman ang gawaing iyon at lubhang nakakaapekto ang anticristo sa paglago ng buhay ng mga kapatid, sa kaayusan ng buhay iglesia, at sa kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin, kung gayon, siyempre, kailangang tugunan muna ang pinakamalaking panganib at ugat ng sakuna. Pagkatapos mapaalis at mapangasiwaan ang anticristo ay saka lang makakapagpatuloy nang normal at maayos ang ibang gawain. Kaya, kung lilitaw ang isang anticristo sa isang iglesia at agad siyang makikilatis ng mga kapatid pagkatapos lang ng maikling panahon at magkakaisa sila sa pagsasabi, “Lumayas ka, anticristo!” hindi ba’t nakakatipid ito ng maraming pagsisikap para sa mga lider at manggagawa? Hindi ba’t dapat kang lihim na matuwa? Maaaring sabihin mo, “Nag-alala ako na hindi ko magagawang limitahan ang anticristong ito, ang diyablong ito. Nag-alala rin ako na malilihis at lubhang mapapahamak nila ang ilang kapatid, at na masyadong maliit ang sarili kong tayog para ilantad ang diwa ng anticristo, para lubusang himayin ang mga usaping ito, at para lutasin ang problemang ito.” Ngayon, hindi na kailangang mag-alala. Sa isang pahayag na ito ng mga kapatid, nalutas na ang isyu, at nawala na ang “pasanin” ng mga lider at manggagawa. Napakaganda nito! Dapat kang magpasalamat sa Diyos; biyaya ito ng Diyos! Malamang na nangyayari ang ganitong bagay sa iglesia, dahil marami nang natalakay tungkol sa paksa ng paglalantad sa mga anticristo, at dahil hindi naman labis na mas mababa ang mga kapatid kaysa sa mga lider at manggagawa, gaya ng maaaring inaakala mo. Sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, may kakayahan din silang arukin nang mag-isa ang katotohanan at lutasin ang mga problema. Kapag nagkaisa silang bumoto at patalsikin ang isang anticristo, isa itong mabuting bagay, isang mabuting penomeno! Ang mga lider at manggagawa ay hindi kailangang malungkot, madismaya, o maging negatibo tungkol dito. Matapos alisin ang mga hadlang na ito, ang mga anticristo, ang bawat hakbang ng susunod na gawain ay nananatiling isang matinding pagsubok para sa mga lider at manggagawa. Ang bawat gampaning kailangan nilang gawin ay may kinalaman sa mga responsabilidad at mga isyu nila tungkol sa kanilang kakayahan at abilidad sa paggawa.
Ang mga Pagpapamalas na Ipinapakita ng mga Huwad na Lider Kapag Nagdudulot ng mga Panggugulo ang mga Anticristo
Natapos na nating pagbahaginan ang ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.” Susunod, hihimayin at ilalantad natin ang mga pagpapamalas ng isang uri ng mga tao na hindi kayang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang mga huwad na lider—sa pamamagitan ng paghahambing ng mga ito sa gawaing dapat na isakatuparan ng mga lider at manggagawa. Sa paggawa ng gawaing ito, maraming gampanin ang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa, na hinihinging magkaroon sila ng partikular na kakayahan, na sila ay maging maingat, masinop, masigasig, responsable, mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, magkaroon ng mapagmahal na pusong nagpoprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos, at iba pa. Sa pagkakaroon lang ng mga katangiang ito nila matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon nila. Gayumpaman, ganap na salungat dito ang mga huwad na lider; wala sila ng mga katangiang ito sa pagkatao nila. Maaaring may taglay silang partikular na kakayahan, may kakayahang makaarok sa katotohanan at makilatis ang mga anticristo, o maaaring mas mahina nang kaunti ang kakayahan nila, nagagawa nilang makilatis ang ilan sa halatang anticristo na gumagawa ng maraming masamang gawa kahit hindi nila ganap na makilatis ang kalikasang diwa ng mga anticristo; o, maaaring napakahina ng kakayahan nila na hindi nila kayang makilatis o maunawaan ang mga pagkakaiba ng mga taong may diwa ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ano’t anuman, ipinapakita ng mga huwad na lider ang dalawang pagpapamalas na ito: Ang una ay na hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain; ang isa pa ay na gumagawa lang sila ng paimbabaw, pangkalahatang gawain, pero ganap na hindi nila kayang lutasin ang mga tunay na problema o gumawa ng aktuwal na gawain. Sa gawaing nauugnay sa ikalabintatlong responsabilidad, nananatiling kitang-kita ang dalawang katangi-tanging pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider. Susunod, magbabahaginan tayo kung ano ang mga partikular na pagpapamalas na mayroon sila.
I. Hindi Paglalantad at Pangangasiwa sa mga Anticristo Dahil sa Takot na Mapasama ang Loob Nila
Kapag ginugulo, nililihis, kinokontrol, o lubhang pinipinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, ang unang pagpapamalas ng mga huwad na lider ay ang kawalan ng aksiyon. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng aksiyon? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng aktuwal na gawain. May mga dahilan sa likod ng hindi paggawa ng aktuwal na gawain, pangunahing dahil sa takot na makapagpasama ng loob ng mga tao at kawalan ng lakas ng loob na itaguyod ang mga prinsipyo. Kapag nagiging lider, nagsisimula ang mga taong ito na ipagyabang ang kapangyarihan nila, iniisip nila, “May katayuan na ako ngayon, at isa akong opisyal ng iglesia. Kailangan kong pamahalaan ang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon ng mga kapatid; kailangan kong kilatisin kung ang sinasabi ng mga kapatid ay naaayon sa katotohanan at tumutugon sa asal ng mga banal. Kailangan kong makita kung sinsero ba sila sa Diyos, kung normal ba ang mga espirituwal na buhay nila, kung nagdarasal ba sila sa umaga at gabi, kung normal ba ang mga karaniwang pagtitipon nila—kailangan kong pamahalaan ang lahat ng ito.” Nakatuon lang ang mga huwad na lider sa mga isyung ito. Sa usapin ng mga pormalidad, tila tinutupad nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero kapag lumilitaw ang mahahalagang isyu ng prinsipyo, o kahit kapag lumilitaw ang mga anticristo, nagtatago sa dilim ang mga huwad na lider nang hindi umiimik, kung saan nananatili silang tahimik at nagpapanggap na walang alam at walang napapansing anumang bagay. Anumang mga panlilinlang ang ipinapakalat ng mga anticristo, nagpapanggap silang hindi nakakarinig. Kapag ang mga anticristo ay nanggugulo, nanlilihis, at kumokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos, nagpapanggap din silang walang alam, na parang naglalaho ang lahat ng impormasyong ito pagdating sa kanila. Nagpapanggap silang hindi nila makilatis ang mga anticristo na nakikilatis kahit ng mga ordinaryong kapatid, sinasabi nila, “Hindi ko siya makilatis. Paano kung maling tao ang mapatalsik ko? Paano kung mali ang pagkilatis ko sa mga kapatid? Bukod dito, kailangan pa rin ng sambahayan ng Diyos ng mga taong nagbibigay ng serbisyo!” Ginagamit nila ang lahat ng uri ng palusot para umiwas sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, iniiwasan nila ang pangangasiwa sa mga anticristo at hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid mula sa pamiminsala ng mga anticristo. Sinasabi pa ng ilang huwad na lider, “Kung palagi kong ilalantad ang mga anticristo, paano kung udyukan nila ang mga kapatid na batikusin ako? Kapag nagkagayon, wala nang boboto sa akin sa susunod na halalan, at hindi na ako magiging lider. Hindi kasinglakas ng sa kanila ang impluwensiya ko!” Para maprotektahan ang kanilang katayuan at personal na kaligtasan, hinding-hindi tinutupad ng mga huwad na lider ang responsabilidad nila na protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, ni hindi nila pinipigilan, sa abot ng makakaya nila, ang pamiminsala ng mga anticristo sa mga kapatid. Kumikilos sila kapwa bilang mapagpalugod ng mga tao at bilang isang pagong na nagtatago sa talukab nito, habang kasabay nito, nagiging makasarili at kasuklam-suklam sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid pero masinsin nilang pinag-iisipan kung paano poprotektahan ang sarili nila. Pagdating sa pangangasiwa sa mga anticristo o pagpupungos at paglalantad sa kanila para magkamit ng pagkilatis ang mga kapatid, takot na takot sila, nag-aalalang mawawala ang katayuan nila, at nararamdaman nilang nakakasama sa kanila ang paggawa niyon. Ganap nilang binabalewala ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, isinasaalang-alang lang ang sarili nilang mga interes, reputasyon, personal na kaligtasan, at ang kaligtasan ng pamilya nila, natatakot silang kapag napasama nila ang loob ng mga anticristo nang hindi nila sinasadya, maaaring maging malulupit na kaaway ang mga anticristo at gantihan sila. Ang totoo, may kaunting kakayahan ang ganitong uri ng huwad na lider. Dahil sa kanyang kakayahan at kabatiran, alam na alam niya kung sino ang mga anticristo, pero ang problema ay ang takot niyang mapasama ang loob ng mga anticristo. Dahil nakikita niya ang malupit na disposisyon ng mga anticristo, hindi siya nangangahas na mapasama ang loob ng mga ito. Gayumpaman, para protektahan ang sarili niya, hindi siya nag-aalinlangang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng hinirang na mga tao ng Diyos; wala siyang pakialam habang pinapanood niyang inihahain ang mga kapatid sa mga anticristo, tinutulutan ang mga anticristo na manlihis, kumontrol, at lubhang maminsala sa mga kapatid kapag gusto ng mga anticristo. Kapag walang nakakakita, paminsan-minsan lang na sinasabi ng mga huwad na lider sa ilang taos-pusong tao at may mabuting pagkatao na hindi banta sa kanila, “Anticristo ang taong iyon. Nililihis niya ang iba. Hindi siya isang mabuting tao.” Gayumpaman, sa harap ng lahat ng kapatid at sa harap ng mga anticristo, hindi sila kailanman nangahas na magsabi ng kahit isang “hindi” sa mga anticristo. Hindi sila kailanman nagkaroon ng lakas ng loob na ilantad ang anumang masamang gawa o ang diwa ng mga anticristo. Kahit sa mga pagtitipon, kapag minomonopolisa ng mga anticristo ang talakayan at nagsasalita ang mga ito sa loob ng isa o dalawang oras, hindi sila nangangahas na umimik. Kapag hinampas ng mga anticristo ang lamesa at tiningnan nang masama ang mga tao, ni hindi rin sila nangangahas na huminga nang masyadong malakas. Sa loob ng saklaw ng gawain nila, iyong mga may mababang tayog, iyong mga may duwag na pagkatao, at iyong mga gustong maghangad sa katotohanan pero hindi pa nagkakamit ng pagkilatis ay nababagabag dahil walang lider o manggagawang kayang kumilos para ilantad at kilatisin ang masasamang gawa ng mga anticristo. Wala silang magawa kundi panoorin ang mga anticristo na kumilos na parang tirano sa iglesia, kumikilos nang sutil at walang pakundangan at ginugulo ang buhay iglesia, nang walang anumang paraan para kontrahin ang mga ito. Samantala, ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain at hindi nilulutas ang mga tunay na problema para sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, bukod sa nabibigo ang mga huwad na lider na ilantad at limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo, ni hindi rin sila nangangahas na magsalita ng kahit isang salita ng pagiging patas. Kahit pa may maramdaman ang konsensiya nila at usigin sila nito nang kaunti, at lumuluha sila nang bahagya habang nananalangin sa Diyos sa pribado, kinabukasan sa pagtitipon, kapag nakita nilang muling nagsasabi ng mga iresponsableng komento ang mga anticristo tungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos at basta-basta itong hinuhusgahan ng mga anticristo, hinuhusgahan pa nga nang hindi direkta ang Diyos at nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, wala silang ginagawa tungkol dito kahit alam nilang mali ito. Kahit pa makita nilang naglulustay ng mga handog ang mga anticristo, mapagsawalang-bahala ang saloobin nila rito. Hinding-hindi nila inilalantad o nililimitahan ang mga anticristo, pero wala man lang silang nararamdaman kahit kaunting panunumbat sa puso nila—napakairesponsable nito! Ang sinumang may kaunting pakiramdam ng konsensiya, kahit na maramdaman nilang masyadong mahina ang sarili nilang kapangyarihan, ay dapat makipagkaisa sa mga kapatid na may kaunting tayog at pagkilatis para makipagbahaginan tungkol sa usaping ito at talakayin kung paano papangasiwaan ang mga anticristo. Pero walang gayong determinasyon at lakas ng loob ang mga huwad na lider, at higit pa rito, wala silang gayong pagpapahalaga sa responsabilidad. Sinasabi pa nila sa mga kapatid, “Masyadong malupit ang mga anticristo. Kung mapapasama natin ang loob nila, isusumbong nila tayo sa gobyerno, at hindi na tayo makakapanampalataya sa Diyos. Alam ng mga anticristo ang mga lugar ng pagtitipon ng iglesia, kaya hindi natin sila pwedeng galitin.” Ganap na ito ang pangit na asal ng pagbitiw sa mga armas at pagsuko sa mga anticristo, ng pakikipagkompromiso kay Satanas at pagmamakaawa rito.
Bukod sa pagprotekta sa sarili nila, hindi gumagawa ang mga huwad na lider ng anumang gawaing dapat ginagawa ng mga lider at manggagawa, tulad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos at pagtulong sa kanila na magkamit ng pagkilatis sa mga anticristo, at wala talaga silang tinutupad na anumang responsabilidad, pero palagi nilang gusto na ihalal sila ng mga kapatid bilang lider. Kapag nakatapos na sila ng isang termino, gusto nilang mahalal uli sa susunod. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan at hindi na matutubos? Karapat-dapat ba ang mga gayong tao na maging lider? (Hindi.) Ipinagkakatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang kawan, pero kapag dumating ang mababangis na hayop, sa kritikal na sandali, iniingatan mo lang ang sarili mo at inihahain mo ang kawan sa mababangis na hayop. Umaakto kang parang isang takot na pagong, naghahanap ng masisilungan, ng isang ligtas na lugar, para doon ka makapagtago. At bilang resulta, napapahamak ang kawan—ang ilang tupa ay kinakagat hanggang sa mamatay, at ang ilan ay naliligaw. Ipagpalagay nang nakikita ng isang lider ang mga anticristo na walang habas na ginugulo ang gawain ng iglesia at nililihis at kinokontrol ang hinirang na mga tao ng Diyos, pero mapagsawalang-bahala lang ang saloobin niya para protektahan ang sarili niyang reputasyon, katayuan, at kabuhayan, at para matiyak ang sarili niyang kaligtasan. Bilang resulta, karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay nalilihis, nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa, at nagiging negatibo at mahina; ang ilan pa nga ay nahuhulog sa impluwensiya ng mga anticristo, at ang iba naman ay ayaw nang gawin ang mga tungkulin nila. At gayumpaman, walang nararamdaman ang lider na ito kapag nakikita niya ang mga panggugulong dulot ng mga anticristo; walang nararamdamang pag-uusig ang konsensiya niya. May pagkatao ba ang ganitong uri ng lider o manggagawa? Para matamo ang sarili niyang layong manatiling ligtas, hindi siya nag-aalinlangang ihain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga anticristo at hayaan ang mga anticristo na ilihis, lubhang pinsalain, at wasakin ang mga ito. Anong uri ng lider ito? (Isang huwad na lider.) Hindi ba’t isa itong kasabwat ni Satanas? Nasa kaninong panig ba talaga siya? Bagama’t inilalarawan siya bilang isang huwad na lider, maaaring mas malubha pa ang diwa ng isyung ito kaysa sa pagiging isang huwad na lider. May kalikasan ito ng pagkakanulo sa mga kapatid, tulad lang ng mga taong iyon na inaresto at pinahirapan at naging mga Judas, inihahain ang mga kapatid sa malaking pulang dragon para lubhang mapinsala. Kaya, ano ang kalikasan ng isang huwad na lider na inihahain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga anticristo? Hindi ba’t ubod ng sama ang mga gayong huwad na lider? Kung ihahambing sa mga anticristo, sa panlabas, ang mga huwad na lider na ito ay tila may layuning labanan ang katotohanan. Tila kaya nilang makipagbahaginan tungkol sa ilang katotohanan, tila mayroon silang kaunting kakayahang makaarok, at isagawa ang kaunting katotohanan, at ang ilan sa kanila ay kaya pa ngang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Pero, kapag ipinagkakatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang kawan ng Diyos, at kapag lumilitaw ang masasamang tao at mga demonyo, hindi nila ginagamit ang sarili nilang buhay para gawin ang lahat ng makakaya nila para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sa halip, ginagawa nila ang lahat ng magagawa nila para protektahan ang sarili nila, itinutulak palabas ang mga kapatid para maging pananggalang para maprotektahan ang sarili nilang kaligtasan at mga interes. Sobrang kasuklam-suklam at makasarili ang mga taong ito! Sa panlabas, tila walang malaking isyu sa pagkatao nila. May pagmamahal sila para sa mga tao, kaya nilang tumulong sa iba, handa silang magbayad ng halaga at kaya nilang tiisin ang anumang hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila. Gayumpaman, kapag lumilitaw ang mga anticristo, may ginagawa sila na hindi inaasahan at hindi maarok: Gaano man nililihis ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos o ginugulo ang buhay iglesia, wala silang ginagawa; at gaano man karaming tao ang inaatake, ibinubukod, o pinipinsala ng mga anticristo, hindi nila ito pinapansin. Sa paggawa niyon, ganap nilang inihahain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa kontrol ng mga anticristo, tinutulutan ang mga anticristo na ilihis at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos kapag gusto ng mga ito, habang ang mga lider na ito mismo ay walang ginagawang gawain. Kapag naalis na ang mga anticristo at nalutas na ang problema, saka lumalabas ang mga lider na ito para makipagbahaginan tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, kung paano sila naging mahina, duwag, takot, makasarili, at mapanlinlang, at na hindi sila naging tapat, hindi nila pinrotektahan nang maayos ang hinirang na mga tao ng Diyos, at binigo nila ang Diyos at ang mga kapatid. Tila labis silang nagsisisi; tila itinuwid na nila ang sarili nila at kaya na nilang magbago. Gayumpaman, kapag muling lumilitaw ang mga anticristo, itutulak nila ang mga kapatid papunta sa mga anticristo gaya ng ginawa nila dati, at naghahanap sila ng ligtas na lugar para doon sila magtatago. Bagama’t hindi sila mismo nalihis o napinsala ng mga anticristo, naging pabaya sila sa mga responsabilidad nila at ipinagkanulo nila ang atas ng Diyos, at ganap nang nalantad ang saloobin nila sa tungkulin nila, ang saloobin nila sa hinirang na mga tao ng Diyos, at ang tunay nilang pagkatao. Sa tuwing lumilitaw ang mga anticristo, hindi nila pinipiling pumanig sa Diyos at labanan ang mga anticristo hanggang sa wakas, at hindi nila sinasabi ang kahit kaunti ng dapat na sinasabi o ginagawa ang kahit kaunting gawain na dapat gawin para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos at para mapayapa ang konsensiya nila, at lalong hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng pagpili at kilos ng mga huwad na lider na ito ay ganap na para sa pag-iingat sa sarili nilang katayuan mula sa kapahamakan. Wala silang pakialam sa buhay o kamatayan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Para sa kanila, ayos lang ang lahat basta’t hindi napipinsala ang reputasyon, mga interes, at ang katayuan nila. Kung sino ang naglalantad sa mga anticristo, kung sino ang nagpapatalsik sa mga anticristo, kung paano dapat pangasiwaan ang mga anticristo—para bang walang kinalaman sa kanila ang mga usaping ito; wala silang pakialam at hindi sila nakikialam. Kapag ginugulo ng mga antiristo ang buhay iglesia, kapag pinipinsala ng mga ito ang hinirang na mga tao ng Diyos, at idinidiin at pinapahirapan ang mga naghahangad sa katotohanan, binabalewala nila ito. Walang halaga sa kanila ang mga bagay na ito; ayos lang itong lahat para sa kanila, hangga’t hindi nanganganib ang katayuan nila. Ano ang tingin mo sa mga uri ng taong ito? Sa karaniwan, tila hindi naman masama ang pagkatao nila, at tila kaya nilang gumawa ng ilang gawain. Kapag nahaharap sila sa pagpupungos, tila kilala nila ang sarili nila at medyo nagsisisi ang puso nila. Gayumpaman, kapag nahaharap sila sa mga anticristong nanggugulo sa iglesia, ganap silang nawawala sa katwiran, wala silang pagpapahalaga sa katarungan, at wala sila kahit ang lakas ng loob na labanan ang mga anticristo. Kapag nakikita nila ang mga diyablo at mga Satanas, nakikipagkompromiso sila; kapag nakikita nila ang masasamang tao na nagdudulot ng mga panggugulo, iniiwasan nila ang mga ito. Batay sa saloobin nila sa masasamang tao at mga anticristo, anong landas ba ang sinusunod nila? Hindi ba’t lubos nitong inilalarawan ang isyu nila? (Oo.) Sa panlabas, maaaring tila hindi mukhang anticristo ang ganitong uri ng tao, pero ang saloobing ipinapakita nila sa mga kilos at ugali ng masasamang tao at mga anticristo ay ang mismong disposisyon ng mga anticristo, at kahindik-hindik ang kalikasan nito. Masasabing ito ang kalikasan ng pagsuko sa mga responsabilidad nila at pagkakanulo sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t napakalubha ng kalikasang ito? Nagpapakita ba sila ng anumang katapatan sa gawain ng iglesia at sa atas ng Diyos? Mayroon ba silang kahit katiting na saloobin ng responsabilidad? Kahit kailan sila pagkatiwalaan ng isang atas o gampanin, ang prinsipyo nila ay maiwasang mapasama ang loob ng mga tao at protektahan ang sarili nila. Ito ang pinakamataas nilang pamantayan pagdating sa kung paano maging tao at ito ang prinsipyo nila sa paggawa ng mga bagay, at hindi ito kailanman magbabago. Isantabi muna natin ngayon ang tanong kung maliligtas ba ang mga gayong tao—kung batay lang sa usapin ng pangangasiwa sa mga anticristo, karapat-dapat ba ang mga huwad na lider na ito sa pagtanggap sa atas ng Diyos? Karapat-dapat ba silang maging lider at manggagawa? (Hindi.) Ang mga taong ito ay hindi karapat-dapat na maging mga lider at manggagawa. Ito ay dahil wala silang konsensiya at katwiran, at hindi sila karapat-dapat sa pag-ako ng gawain ng mga lider ng iglesia; hindi nila pinipigilan ang mga anticristo, sa abot ng makakaya, na pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi rin nila ginagawa ang pinakamakakaya nila para tuparin ang responsabilidad na ito o gawin ang gawaing ito nang maayos para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi dahil sa mahina ang kakayahan nila at hindi nila ito kayang gawin, bagkus ay sadyang hindi nila ito ginagawa. Samakatwid, kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, ang mga taong takot na mapasama ang loob ng iba ay ganap na hindi karapat-dapat na maging mga lider o manggagawa. Hindi ba’t marami-rami ang ganitong lider at manggagawa? (Oo.) Kapag walang nangyari, mas masigasig silang kumilos kaysa sa sinuman; napakaabala nila na ni hindi na sila makapagsuklay o makapaghilamos, tila naaabot na nila ang isang espirituwal na antas. Pero kapag lumilitaw ang mga anticristo, naglalaho sila; naghahanap sila ng kung ano-anong palusot para makaiwas, at sadyang hindi nila pinapangasiwaan ang mga anticristo. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? Ito ay kawalan ng katapatan sa pagganap ng tungkulin nila at pagiging hindi mapagkakatiwalaan. Sa mahahalagang sandali, nagagawa pa nga nilang ipagkanulo ang Diyos at pumanig kay Satanas, nagbubulag-bulagan sila habang nagugulo at napipinsala ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia. Ni hindi sila kasingkapaki-pakinabang ng isang asong bantay. Isa itong uri ng huwad na lider.
II. Kawalan ng Kakayahang Kilatisin ang mga Anticristo
May isa pang uri ng huwad na lider: Kapag lumilitaw ang mga anticristo, hindi nila makilatis kung ano ang disposisyon at diwa ng mga ito, kung ano ang ipinapamalas at ibinubunyag ng mga ito, ang mga uri ng panggugulong idinudulot ng mga ito sa mga kapatid, kung aling mga pahayag, kaisipan, pananaw, at ugali ang pwedeng makalihis at makagulo sa mga kapatid, ang mga paraang ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao, sa anong mga kalagayan pwedeng malihis, makontrol, at lubhang mapinsala ng mga anticristo ang mga kapatid, at iba pa—hindi kayang kilatisin ng mga huwad na lider ang lahat ng isyung ito. Nililihis ng mga anticristo ang mga kapatid; sila at ang mga nalihis na kapatid ay humihiwalay sa iglesia para magdaos ng sarili nilang mga pagtitipon at magbuo ng mga nagsasariling kaharian. Hindi nila tinatanggap ang pamumuno ng sambahayan ng Diyos, hindi tinatanggap ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi nagpapasakop sa anumang pagsasaayos o paggabay mula sa sambahayan ng Diyos, lalo na sa anumang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Pero ang lahat ng gayong kilos ng mga anticristo para ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi itinuturing ng mga huwad na lider bilang mga problema. Hindi nila makita kung ano ang mali sa mga sitwasyong ito, lalong hindi nila makita kung paanong ang mga salita, kilos, kaisipan, at pananaw ng mga anticristo ay nanggugulo, nanlilihis, at nakakapinsala sa mga tao. Hindi nila makita ang mga negatibong epektong ito at hindi nila alam kung paano kilatisin ang mga ito. Ang ilang ordinaryong kapatid, dahil marami na silang nakita at narinig, ay maaaring may kaunting pagkilatis, pang-unawa, at kamalayan, pero hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Kahit na tukuyin ng isang tao na si Ganito-at-ganyan ay gumagawa ng ilang bagay para ilihis ang mga tao at bumuo ng mga paksiyon kapag walang nakakakita, humahadlang pa rin ang mga huwad na lider, sinasabi nila, “Hindi natin pwedeng ipalaganap ang mga pahayag na ito. Huwag magdulot ng mga panggugulo. Maganda ang ugnayan nila—ano ang mali kung nagbabahaginan sila nang magkakasama? Kailangan nating bigyan ng kalayaan ang mga tao!” Hindi pa rin nila ito makilatis. Kung hindi nila makilatis ang mga bagay-bagay, pwede silang magmasid at maghanap, at makipagbahaginan sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan at may kaunting pagkilatis. Subalit labis na mapagmagaling ang mga huwad na lider. Kapag pinapaalalahanan sila ng mga kapatid, hindi nila ito tinatanggap, iniisip nila, “Ikaw ba ang lider o ako? Dahil ako ang piniling lider, tiyak na mas nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa ordinaryong tao. Kung hindi, bakit ako ang pinili sa halip na ang iba? Patunay ito na mas magaling ako kaysa sa inyong lahat. Mas matanda o mas bata man ako kaysa sa inyo, tiyak na mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa inyo. Kapag lumitaw ang isang anticristo, ako dapat ang unang makakilatis sa kanya. Kung mauuna kayo sa pagtukoy sa kanya, hindi ako sasang-ayon sa pagsusuri ninyo. Maghihintay tayo hanggang ako ang tumukoy sa kanya bago tayo gumawa ng anumang bagay!” Dahil dito, ang anticristo ay nagkakalat ng maraming maling paniniwala at panlilinlang sa mga kapatid, hayagang nilalabanan ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at hayagang nagpoprotesta at kumokontra sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, at sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas. Hayagan pa ngang hinihikayat ng anticristo ang mga kapatid na sumama sa kanila sa mga eksklusibong pagtitipon kung saan nakikinig lang ang mga dumadalo sa pangangaral ng anticristo at tinatanggap nila ang pamumuno nito. Kahit na iyong mga may pinakamahinang kakayahan sa iglesia ay kayang makita na isang anticristo ang taong ito. Sa gayong sitwasyon lang inaamin ng mga huwad na lider: “Naku, isa siyang anticristo! Paanong ngayon ko lang ito napagtanto? Hindi, napagtanto ko na ito dati, pero hindi ako nagsalita dahil natatakot akong mababa ang tayog ng mga kapatid at wala silang pagkilatis.” Nag-iimbento pa sila ng malaking kasinungalingan para sa sarili nila. Malinaw na ito ay dahil sila mismo ay manhid, mapurol ang utak, may mahinang kakayahan, at hindi kayang kilatisin ang anticristo kaya hinahayaan nilang magdusa ng labis na pamiminsala ang mga kapatid mula sa mga ito. Sa halip na makonsensiya, sinisisi nila ang mga kapatid sa pagsasalita ng walang katuturan, pagpapakalat ng mga walang batayang tsismis, maling pagkaunawa sa mga tao, at iba pa. Anong uri ng lider ito? Hindi ba’t labis na magulo ang isip niya? Ang gayong lider ay talagang walang kakayahang pasanin ang gawain ng iglesia. Sa panlabas, madalas siyang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, dumadalo sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, nagsusulat ng mga espirituwal na tala, at nagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, tila nagsisikap siya nang husto, pero kapag lumilitaw ang mga problema, hindi niya malutas ang mga ito, hindi mahanap ang katotohanan nang ayon sa mga salita ng Diyos, at tiyak na hindi niya makilatis ang mga anticristo batay sa mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay karaniwang nakakapangaral sa loob ng isa o dalawang oras, at kapag nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga sarili nilang karanasan, kaya nilang magsalita nang magsalita nang walang katapusan, pero kapag ang mga anticristo ay nagkakalat ng mga maling paniniwala at panlilinlang, nililihis ang mga kapatid at ginugulo ang gawain ng iglesia, wala silang masabi at wala man lang silang ginagawang gawain. Hindi lang sila nabibigong ipatupad ang anumang hakbang para makaiwas o akayin ang mga kapatid sa pagkilatis sa mga maling paniniwala at panlilinlang ng mga anticristo, bagkus, kahit nakikita nila ang mga paggambala at panggugulo na dulot ng mga anticristo, hindi nila inilalantad o hinihimay ang mga ito, ni hindi nila pinupungusan ang mga anticristo; wala silang ginagawang anumang gawain. Ano ang problema sa mga gayong tao? (Masyadong mahina ang kakayahan nila.) Kahit mahina ang kakayahan nila, ipinagyayabang pa rin nila na sila ay mga espirituwal na tao, mabubuting lider, at mga taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga salita ng Diyos, at walang kahihiyan nilang sinasabing tinalikuran nila ang mga kasiyahan ng pamilya at laman para tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sa realidad, sila ay totoong mga huwad na lider na iresponsable, walang konsensiya at katwiran, at labis na manhid at mapurol ang utak—sila ay tunay na mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang alam lang nila ay mangaral ng mga doktrina at sumigaw ng mga islogan. Kapag tinatanong sila ng mga tao, kaya nilang magpaulan ng mga teorya para ilihis ang mga ito, pero ang totoo, hindi talaga nila maipaliwanag nang malinaw ang mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, iniisip nilang mayroon silang kakayahang makaarok at may pagkaunawa sa katotohanan. Sa puso nila, malinaw sa kanila na kapag naghahanap ng mga solusyon sa mga problema ang mga tao mula sa kanila, hindi sila makapagbibigay ng mga sagot na naaayon sa katotohanan, pero nagpapanggap pa rin silang mabubuting lider at mga espirituwal na tao. Hindi ba’t medyo walang kahihiyan ito? (Oo.) Karamihan ng huwad na lider ay may karaniwang katangian at karaniwang problema: kawalan ng kahihiyan. Inaakala nila na nagiging espirituwal na tao sila kapag may katayuan at titulo sila bilang lider, at kapag nagagawa nilang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya. Dahil mas marami silang oras na ginugugol sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikinig sa mga sermon, at panonood ng mga video mula sa sambahayan ng Diyos, at dahil mas nakikipagbahaginan sila tungkol sa mga salita ng Diyos, kaya naniniwala silang kaya nilang gawin ang gawain ng mga lider at manggagawa at tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Pero sa katunayan, kapag lumilitaw ang malaking isyu ng walang habas na panlilihis at panggugulo ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, nanonood lang sila at wala silang magawa, at hindi nila alam kung aling mga bahagi ng mga salita ng Diyos ang gagamitin para iugnay at himayin ang mga anticristo, para magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid, tanggihan ang mga anticristo mula sa puso ng mga ito, at maiwasang malihis at makontrol ng mga anticristo. Bagama’t nangangamba sila minsan sa loob-loob nila, iniisip pa rin nila na matagal na silang nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na sila ng maraming sermon, at na nauunawaan nila ang katotohanan nang higit kaysa sa karaniwang tao at kaya nilang magsalita nang mahusay. Madalas silang nagyayabang: “Espirituwal ako. Kaya kong mangaral. Bagama’t hindi ko kayang lutasin ang problema ng panlilihis at panggugulo ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi ko kayang iugnay ang mga salita ng Diyos sa mga anticristo at makilatis sila, nagawa ko na ang gawaing dapat kong gawin at nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Basta’t nakakaunawa ang mga kapatid, ayos na iyon!” Tungkol naman sa kung ano ang pinakahuling resulta, kung naprotektahan ba ang hinirang na mga tao ng Diyos, hindi ito malinaw sa puso nila. Iniisip din nilang mautak sila at nagpapanggap na lumulutas sila ng mga problema, pero sa huli, puro salita at doktrina lang ang sinasabi nila nang hindi aktuwal na nilulutas ang mga isyu. Hindi nila kayang makipagbahaginan sa katotohanan para ilantad at himayin ang mga anticristo. Sa halip, naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila, nagsasalita sa loob ng isa o dalawang oras at lubos na nililito ang mga tao, na maging ang mga bagay na dating nauunawaan ng mga tao ay nagiging malabo. Nabibigo silang sagipin ang mga kapatid mula sa panlilihis ng mga anticristo, at nabibigo rin silang bigyan ng kakayahan ang mga kapatid na makilatis ang mga anticristo at tanggihan ang mga ito mula sa puso nila—hindi nila kailanman nakakamit ang resulta ng pagprotekta sa mga kapatid. Kahit na nakikita nila ang ganitong kahihinatnan, inaangkin pa rin nila ang pagkakakilanlan bilang lider at hindi sila nagpapakumbaba para hanapin ang katotohanan kasama ng iba, o hindi nila inuulat ang problema sa itaas para maghanap ng mga solusyon. Hindi ba’t mga buhong ang mga gayong tao? Wala kang kwenta, pero nagpapanggap ka pa rin. Bakit ka nagpapanggap? Dahil hindi mo naman kayang maging lider, bumaba ka na sa puwesto at magpanggap ka na lang sa ibang lugar. Hindi mo dapat pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos! Habang nagpapanggap ka, sinasamantala ng mga anticristo ang pagkakataon para gumawa ng napakaraming masamang bagay na gumugulo at kumokontrol sa mga tao, nililihis at pinipinsala ang marami! Sino ang mananagot dito? Hahanapin ng sambahayan ng Diyos kung sino ang may pananagutan!
Hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang ilang lider at manggagawa kapag nangangasiwa sa mga insidente ng mga anticristo, at hindi rin nila makilatis ang mga anticristo. Habang nililihis at kinokontrol ng mga anticristo ang mga kapatid, hindi nila kailanman tunay na inilalantad ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo, ni hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang mga ito. Kalaunan, ang ilang hinirang na tao ng Diyos na may pagkilatis ang naglalantad at nagpapatalsik sa mga anticristo, at nararamdaman ng mga huwad na lider na sarili nila itong tagumpay. Pagkatapos mapatalsik ang mga anticristo, gumagawa sila ng buod at nagsasalita ng ilang doktrina: “Tingnan ninyo, kapag nagsasalita at kumikilos ang mga anticristo, nagiging hindi normal ang buhay iglesia, nagugulo ang mga tao, at nagdurusa ng mga kawalan sa buhay nila. Para maiwasan ang pamiminsala ng mga anticristo, dapat nating makilatis ang mga kilos, salita, pagkatao, diwa, atbp., ng mga anticristo—dapat nating maunawaan ang lahat ng bagay na ito. Pinapahintulutan ng Diyos ang paglitaw ng mga anticristo sa iglesia, hinahayaan silang gumawa ng mga bagay at ilantad ang sarili nilang kapangitan, na nagbubunyag sa mga anticristo, para masangkapan natin ang sarili natin ng katotohanan, para lumago tayo sa pagkilatis, at mabilis na mapalago ang tayog natin sa lalong madaling panahon—naririto ang mga layunin ng Diyos! Ngayon ay nakilatis na natin ang mga anticristo at hindi na nila tayo napipigilan; lahat ay nagagawang tanggihan sila. Isa itong bagay na dapat ipagdiwang!” Sa huli, ginagaya ng mga huwad na lider ang tono ng isang opisyal at nagbibigay ng kanilang buod, nagsasalita sila na para bang marami silang ginawang totoong gawain, na nagbayad sila ng malaking halaga, at gumanap ng mahalagang papel sa pagpapatalsik sa mga anticristo. Hindi ba’t medyo kawalan ito ng kahihiyan? Malinaw na mula simula hanggang wakas, hindi nila makilatis kung ano ang isang anticristo; hindi nila nauunawaan kung paano nililihis ng mga anticristo ang mga tao, kung ano ang ginagawa ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, o kung ano ang disposisyong diwa ng mga anticristo, pero nagpapanggap silang marami silang ginawang gawain. Malinaw na ang mga kapatid ang kumilatis sa mga anticristo at nagpatalsik sa mga ito mula sa iglesia; malinaw na hindi gumampan ang mga huwad na lider ng papel bilang mga lider at manggagawa, pero gumagawa pa rin sila ng pagbubuod at inaangkin nila ang tagumpay, na parang matagal na nilang pinagplanuhan ang lahat at ngayon ay sinasabi na nila sa mga kapatid na nagbunga ng mga resulta ang mga kilos nila at isa itong malaking tagumpay. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Bakit ka nagsasalita na parang isang opisyal? Wala kang ginagawang tunay na gawain pero nagsasalita kang parang isang opisyal. Isa ka bang opisyal ng malaking pulang dragon. Hindi ba’t mga Pariseo ang mga gayong tao? (Oo.) Ang alam lang nila ay sumigaw ng mga islogan at mangaral ng mga doktrina. Kapag may mga nangyayari, bukod sa nabibigo silang tratuhin nang tama ang mga ito, wala rin silang landas ng pagsasagawa. Naglilitanya lang sila ng mga walang katuturan at bulag na naglalapat ng mga regulasyon; hindi nila pangunahing nalulutas ang anumang problema. Kapag lumipas na ang mga bagay, umaakto sila na parang walang nangyari, nagpapanggap sila bilang mabubuting tao, at inaangkin nila ang tagumpay nang walang kahihiyan. Ang mga taong ito ay mga tipikal na mga Pariseo. Kaya lang nilang mangaral ng mga doktrina, sumigaw ng mga islogan, gumugol ng kaunting pagsisikap, at magtiis ng kaunting paghihirap, at hindi nila kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, pero nagpapanggap pa rin sila bilang mga espirituwal na tao. Mga Pariseo sila. Gayon ang diwa ng ganitong uri ng huwad na lider. Kaya nilang mangaral ng maraming doktrina sa harap ng lahat, kaya bakit hindi nila kayang ilantad at pangasiwaan ang mga anticristo? Kaya nilang mangaral sa loob ng maraming oras at mahusay silang magsalita, kaya bakit, kapag nahaharap sa mga aktuwal na problema—lalo na kapag nahaharap sa masasamang gawa ng mga anticristo—hindi nila mapangasiwaan ang mga ito? Bakit hindi sila makapagsalita? Ano ba ang dahilan nito? Ito ay dahil sobrang mahina ang kakayahan nila. Gaano kahina? Wala silang espirituwal na pang-unawa. Edukado sila at matalino, labis na matalas sa pangangasiwa sa mga panlabas na usapin, at may kaunting pagkaunawa sa batas. Gayumpaman, pagdating sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, mga espirituwal na usapin, at iba’t ibang mahalagang isyu, hindi nila kayang makilatis o maunawaan ang anumang bagay, ni hindi sila makahanap ng mga katotohanang prinsipyo. Kapag walang mga isyu, nakaupo sila na kasingkalmado ng isang mangingisdang naghihintay ng huli, pero kapag may lumilitaw na mga isyu, umaasal silang parang mga katawa-tawang payaso, para silang mga asong ulol, nagbubunyag ng kahabag-habag na anyo. Minsan ay umaakto sila nang napakaseryoso at taimtim. Kapag hindi sila taimtim, tila normal sila, pero kapag naging taimtim sila, natatawa ang mga tao. Ito ay dahil kapag taimtim sila, wala silang sinasabi kundi puro mapanlinlang na bagay at salita na walang espirituwal na pang-unawa, na pawang komento ng isang hindi eksperto. Pero pinapanatili nila ang isang taimtim na mukha—hindi ba’t katawa-tawa ito? Kung may magtanong sa kanila ng mahahalagang tanong para sagutin nila, nalilito sila at hindi makapagsalita, mukhang labis na nahihiya. Maraming gayong huwad na lider. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay mahinang kakayahan at kawalan ng espirituwal na pang-unawa; sila ay mga taong magulo ang isip. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pagdating sa mga espirituwal na usapin at mga usaping may kinalaman sa katotohanan, parang sinusubukan nilang magsalin ng sinaunang Griyego—wala silang nauunawaan dito. Kahit na ganoon, nagpapanggap pa rin sila, sinasabi nila, “Espirituwal ako. Matagal na akong nananampalataya sa Diyos. Marami akong nauunawaang katotohanan. Kayo ay mga bagong mananampalataya, kasisimula pa lang ninyong manampalataya sa Diyos at hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Hindi kayo maaasahan.” Palagi nilang iniisip na matagal na silang nananampalataya sa Diyos at nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay parehong kasuklam-suklam at katawa-tawa. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga gayong huwad na lider.
III. Pagkilos Bilang Proteksiyon ng mga Anticristo
May isa pang uri ng huwad na lider na mas kamuhi-muhi. Bukod sa nabibigo silang ilantad ang mga anticristo, kumikilos din sila bilang proteksiyon ng mga anticristo, ginagamit ang dahilan ng mapagmahal na pagtulong bilang palusot para pagbigyan ang masasamang gawa ng mga anticristo na nakakagulo sa gawain ng iglesia. Kahit gaano karaming panlilinlang ang ikinakalat ng mga anticristo para ilihis ang mga tao, bukod sa hindi pinapabulaanan o inilalantad ng mga huwad na lider ang mga ito, nagbibigay rin sila ng mga pagkakataon para ang mga anticristo ay malayang makapagpahayag ng mga pananaw nila at makapagsalita. Anumang uri ng mga panggugulo, panlilihis, o pamiminsala ang pinagdurasahan ng hinirang na mga tao ng Diyos, nananatili silang walang pakialam. Kahit kapag tinutukoy ng ilang tao, “Mga anticristo ang mga indibidwal na ito. Sila ang dapat na limitahan ng sambahayan ng Diyos; hindi dapat itaas ang ranggo nila at hindi sila dapat linangin, at tiyak na hindi sila dapat protektahan. Sapat na ang pinsalang idinulot nila sa mga kapatid. Panahon na para harapin sila at lubos na ilantad at pangasiwaan sila,” kumikilos ang mga huwad na lider para ipagtanggol ang mga anticristo. Isinasaalang-alang ang mga salik gaya ng edad ng mga anticristo, bilang ng taon ng pananampalataya sa Diyos, at mga dating kontribusyon, gumagamit sila ng iba’t ibang palusot para ipagtanggol at protektahan ang mga anticristo. Kapag dumarating ang mga nakakataas na lider para siyasatin ang gawain o pangasiwaan ang mga anticristo, pinipigilan ng mga huwad na lider ang mga kapatid na iulat sa mga nakakataas ang masasamang gawa ng mga anticristo. Gumagawa pa sila ng mga paraan para harangan ang iglesia para hindi malaman ng mga nakakataas na lider ang panggugulo ng mga anticristo sa iglesia, at hinahadlangan din nila ang mga kapatid na may pagkilatis na ilantad ang mga anticristo. Anuman ang mga palusot na ginagamit ng mga huwad na lider o anuman ang mga layon nila sa pagpoprotekta sa mga anticristo, sa paggawa niyon, sa huli ay pinoprotektahan nila ang mga interes ng mga anticristo habang ipinagkakanulo ang mga interes ng iglesia at ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gumagamit sila ng iba't ibang palusot para protektahan ang mga anticristo, tulad ng “nananampalataya rin sa Diyos ang mga anticristo at may karapatan silang magsalita sa sambahayan ng Diyos,” at “gumawa sila ng mga mapanganib na tungkulin noon; dapat isaalang-alang ng sambahayan ng Diyos ang mga dati nilang kontribusyon.” Pinipigilan nila ang mga kapatid na kilatisin ang mga anticristo at hindi nila pinapahintulutang malaman ng mga nakakataas na lider ang iba’t ibang masamang gawa ng mga anticristo, kasabay nito, hindi nila mismo inilalantad at tiyak na hindi nila pinupungusan ang mga anticristo. Ang mga anticristong ito ay maaaring mga kapamilya nila, malalapit na kaibigan, o ang mas posible, mga taong iniidolo nila at nahihirapan silang pakawalan. Anuman ang sitwasyon, hangga’t alam nilang mga anticristo ang mga taong ito at ipinagtatanggol pa rin nila ang masasamang gawa ng mga ito, sinasabihan ang iba na tratuhin ang mga ito nang may pagmamahal, at gumagamit pa ng iba’t ibang paraan para bigyan ang mga anticristo ng mga oportunidad na magpakalat ng mga panlilinlang para ilihis at guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ipinapakita ng mga kilos na ito na nagsisilbi silang proteksiyon ng mga anticristo. Ang ilang huwad na lider ay maaaring nakagawa ng ilang tunay na gawain sa ibang aspekto, pero pagdating sa pakikitungo sa mga anticristo, hindi sila pinapangasiwaan ng mga huwad na lider ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa nang ayon sa hinihingi ng sambahayan ng Diyos—hindi nila pinipigilan ang mga anticristo na magpakalat ng mga kuru-kuro, negatibong damdamin, maling paniniwala, at panlilinlang para ilihis ang mga tao sa iglesia hangga’t maaari. Sa halip, madalas nilang itinataguyod ang mga mapanlinlang na doktrinang sinasabi ng ng mga anticristo, gayundin ang mga pahayag at komento nilang batay sa kaalaman o pilosopiya ni Satanas, bilang positibong bagay. Lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng pagkilos nila bilang proteksiyon ng mga anticristo. Siyempre, may mga huwad na lider ding hindi pinapangasiwaan ang mga anticristo dahil pinapahalagahan nila ang impluwensiya ng mga ito sa lipunan. Sinasabi nila, “Ang karamihan ng kapatid ay mula sa mabababang antas ng lipunan at walang impluwensiya. Bagama’t ang taong ito ay isang anticristong may masamang pagkatao, may kapangyarihan at impluwensiya siya sa mundo at may kakayahan siya. Kapag nahaharap sa panganib ang mga kapatid o ang iglesia, hindi ba’t kailangan natin ang isang makapangyarihang tao para kumilos at protektahan tayo? Kaya, magbulag-bulagan tayo sa mga maling ginagawa nila at huwag na itong masyadong seryosohin.” Ang mga huwad na lider ay handang kumilos bilang proteksiyon ng mga anticristo para ang mga anticristo ay tumindig para sa kanila at suportahan sila—kahit nasisikmura ito ng mga huwad na lider. May mga huwad na lider ding may maling pananaw. Sinasabi nila, “Ang ilang anticristo ay may katayuan at impluwensiya sa lipunan; may katanyagan sila. May dalawang gayong indibidwal sa iglesia natin. Bagama’t mga anticristo sila, kung papaalisin natin sila, iisipin ng mga tao na walang mahusay na tao sa iglesia natin, at hahamakin tayo ng mga nasa komunidad ng relihiyon. Kailangan natin silang panatilihin para magmukha tayong mahusay. Samakatwid, ang dalawang taong ito ay kayamanan ng iglesia natin; walang pwedeng kumilatis o magpaalis sa kanila. Dapat silang protektahan.” Anong klaseng lohika ito? Itinuturing nilang mahuhusay na tao ang mga anticristo, kaya pinoprotektahan nila ang mga ito. Hindi ba’t mga buhong ang mga ganitong huwad na lider? (Oo.) Anuman ang sitwasyon, hangga’t pinapayagan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo na gawin ang anumang gusto ng mga ito sa iglesia at guluhin ang gawain ng iglesia, sila ay mga huwad na lider at manggagawa. Gaano man nagpapakalat ng mga panlilinlang ang mga anticristo at masasamang tao, gaano man karaming tao ang nalilihis, gaano man nila binabatikos at ibinubukod ang mga positibong personalidad, at gaano man karami sa hinirang na tao ng Diyos ang pinipinsala nila, binabalewala ito ng mga huwad na lider at nagpapanggap ang mga ito na walang alam—hangga’t napapanatili nila ang sarili nila, ayos na iyon sa kanila. Ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider. Anuman ang sinasabi o ginagawa ng mga anticristo, hindi sila inilalantad, hinihimay, o nililimitahan ng mga huwad na lider para makilatis at tanggihan sila ng mga kapatid. Sa halip, tinatrato nila ang mga anticristo na parang alaga nila, pinaglilingkuran at pinoprotektahan ang mga ito na parang mga dignitaryo, hinahayaan ang gusto ng mga ito, at lumilikha sila ng iba’t ibang oportunidad para makakilos ang mga ito. Kaninong mga interes ang nasasakripisyo habang hinahayaan nilang matamasa nang lubos ng mga anticristo ang kalayaan ng mga ito? (Ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Bukod sa nabibigo ang mga huwad na lider na protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, tinutulutan din nila ang mga anticristo na mamuno sa iglesia, pinagkakayod-kalabaw ang mga kapatid sa paglilingkod sa mga anticristo, ginagawang alipin ang mga kapatid para sumunod sa mga utos ng mga anticristo, tanggapin ang mga mapanlinlang na komento at kaisipan at pananaw ng mga ito, tanggapin ang pagkontrol ng mga ito, at maging ang lubhang pamiminsala ng mga ito, at iba pa. Ito ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider. Pinipigilan ba nila, hangga’t maaari, ang lubhang pamiminsala ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos? Natupad ba nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Nagawa ba nila ang gawain ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos? (Hindi.) Sa madaling salita, anuman ang dahilan, ang sinumang lider na hinahayaan ang mga anticristo na gawin ang anumang gusto ng mga ito nang hindi gumagawa ng anumang gawain ay isang huwad na lider. Bakit sinasabi Kong mga huwad na lider sila? Dahil kapag nililihis at kinokontrol ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, hinahayaan nila ang mga kapatid na magdusa ng iba’t ibang pamiminsala mula sa mga anticristo, binibigo ang atas na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang mga tupa ng Diyos, ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi mo tinupad ang responsabilidad mo. Hindi ka karapat-dapat na magpasan ng atas ng Diyos! Anuman ang dahilan o katwiran mo, kung sa panahon na ikaw ang lider ay kumilos ka bilang proteksiyon ng mga anticristo, na nagdulot ng labis na pagdurusa ng mga kapatid sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, isa kang makasalanan sa lahat ng panahon. Ang dahilan dito ay hindi dahil hindi mo kayang makilatis ang mga anticristo o maunawaan ang diwa nila—malinaw na alam mo sa puso mo na ang mga anticristo ay mga Satanas at mga diyablo, pero hindi mo hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na ilantad at makilatis sila. Sa halip, hinahayaan mo ang mga kapatid na makinig, tumanggap, at sumunod sa mga anticristo. Ganap itong salungat sa katotohanan. Hindi ba’t dahil dito ay nagiging makasalanan ka sa lahat ng panahon? (Oo.) Bukod sa nabigo kang protektahan ang mga sinserong gumagawa ng kanilang mga tungkulin at naghahangad sa katotohanan, itinaas mo rin ang ranggo ng mga anticristo sa mga posisyon ng mga lider at manggagawa, itinuturing silang parang mga alaga at pinapasunod sa mga utos nila ang mga kapatid. Ipinagkatiwala ng sambahayan ng Diyos ang hinirang na mga tao ng Diyos sa iyo hindi para gawing mga alipin ng mga anticristo o mga alipin mo, kundi para akayin mo ang hinirang na mga tao ng Diyos na labanan si Satanas at ang mga anticristo at kilatisin at tanggihan ang mga anticristo, at bigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng normal na buhay iglesia, gawin ang mga tungkulin nila nang normal, pumasok sa katotohanang realidad, at magpasakop at magpatotoo sa Diyos sa ilalim ng paggabay ng Diyos. Kung hindi mo man lang matupad ang responsibilidad na ito, karapat-dapat ka bang tawaging tao? At gayumpaman, gusto mo pa ring protektahan ang mga anticristo. Ang mga anticristo ba ang mga ninuno o idolo mo? Kahit na kadugo mo sila, dapat mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo at unahin ang katarungan bago ang pamilya. Dapat maramdaman mong obligado kang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ilantad, kilatisin, at tanggihan ang mga anticristo, at gawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan ang mga kapatid, para maiwasang mapinsala sila ng mga anticristo, hangga’t maaari. Ito ay tapat na paggawa sa tungkulin mo at pagkumpleto sa atas ng Diyos; sa paggawa lang nito ka maaaring tawaging isang lider o manggagawa na pasok sa pamantayan. Kung mabibigo kang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at kusa kang kumikilos bilang proteksiyon ng mga anticristo, ano ka pa nga ba kundi isang makasalanan sa lahat ng panahon? Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga huwad na lider na kumikilos bilang proteksiyon ng mga anticristo. Malinaw na ang pagtukoy sa mga gayong tao bilang kahanay ng mga huwad na lider ay hindi talga di-makatarungan; isa ito sa mga pagpapamalas ng mga tunay na huwad na lider.
IV. Hindi Pagmamalasakit o Hindi Pagtatanong Tungkol sa mga Taong Nalihis ng mga Anticristo
May isa pang pagpapamalas ang mga huwad na lider na mas nakakagalit. Ang ilang huwad na lider ay nakakakilatis ng mga anticristo sa ilang antas sa kanilang pakikisalamuha pero hindi nila kaagad pinapangasiwaan ang mga ito. Hindi rin nila kaagad inilalantad at hinihimay ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo sa pamamagitan ng iba’t ibang pag-uugali ng mga ito, para mabigyang-kakayahan ang mga kapatid na makilatis at matanggihan ang mga anticristo. Maituturing na itong hindi pagtupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag ang ilang kapatid ay nalilihis at sumusunod sa mga anticristo, nananatiling walang pakialam ang mga huwad na lider na ito, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Bukod dito, wala silang nararamdamang pag-uusig o pag-aakusa sa sarili sa puso nila. Hindi nila nararamdamang nabigo nila ang Diyos o ang mga kapatid. Sa halip, madalas nilang sinasabi ang “klasikong” linyang ito: “Nalihis ng mga anticristo ang mga taong ito. Nararapat lang ito sa kanila! Kasalanan nila dahil wala silang pagkilatis. Kahit hindi sila sumunod sa mga anticristo, magiging mga puntirya pa rin sila ng pagpapaalis ng sambahayan ng Diyos.” Bukod sa ang mga huwad na lider na ito ay walang nararamdamang pag-uusig sa sarili o pagkakonsensiya matapos na malihis ng mga anticristo ang mga kapatid, higit pa rito, hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi. Sa halip, nagsasabi sila ng mga gayong di-makataong salita, sinasabing nararapat lang sa mga kapatid na ito na malihis ng mga anticristo. Ano ang makikita mula sa mga salitang ito? May pagkatao ba ang mga taong ito? (Wala.) Tiyak ang kawalan nila ng pagkatao. Bakit kaya nila sinasabi ang mga bagay na ito? (Para umiwas sa responsabilidad.) Una, ito ay para umiwas sa responsabilidad, para ilihis at gawing manhid ang mga tao. Naniniwala sila: “Nalihis ang mga taong iyon ng mga anticristo dahil wala silang pagkilatis, na walang kinalaman sa akin. Hindi nila hinangad ang katotohanan, kaya nararapat silang malihis!” Ano ang ibig sabihin ng “nararapat”? Ibig sabihin, dapat na malihis at makontrol ng mga anticristo ang mga taong ito, at dapat na lubhang mapinsala ng mga anticristo—anumang pagtrato ang natatanggap nila mula sa mga anticristo, nararapat lang ito sa kanila; nararapat sa kanilang sumunod sa mga anticristo. Ang ipinapahiwatig nito ay hindi dapat sumunod sa Diyos ang mga taong ito kundi sa mga anticristo, na ang pagsunod sa Diyos ay isang pagkakamali para sa kanila, at na ang pagpili sa kanila ng Diyos ay isa ring pagkakamali, at na kahit nakapasok na sila sa sambahayan ng Diyos, hindi maiiwasan ang paglilihis sa kanila ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ang ipinapahiwatig ng mga huwad na lider? Bukod sa sinisiraan nila ang mga kapatid, nilalapastangan din nila ang Diyos. Hindi ba’t kamuhi-muhi ang mga gayong tao? (Oo.) Labis silang kamuhi-muhi! Bukod sa pag-iwas sa responsabilidad at pagtatakip sa katunayan at sa katotohanang hindi nila pinrotektahan ang mga kapatid, binabatikos pa nila ang mga ito, sinasabing ang mga ito ay nararapat lang na malihis ng mga anticristo at hindi karapat-dapat na manampalataya sa Diyos at tumanggap ng kaligtasan ng Diyos. Naibubunyag ng isang pahayag na ito kung gaano kaubod ng sama ang karakter nila! Bagama’t hindi nila direktang ginulo, nilihis, o sinupil ang mga kapatid tulad ng mga anticristo, ang saloobin nila sa mga kapatid, sa atas ng Diyos, at sa kawang ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ay nagpapakita kung gaano sila tunay na kawalang puso at kalupit. Walang sinumang tumatanggap sa gawain ng Diyos ang nagagawa ito nang madali; nangangailangan ito ng mga sakripisyo at pagtutulungan ng mga nangangaral ng ebanghelyo. Nangangailangan ito ng maraming lakas-tao at mapagkukunan, at higit pa rito, narito din ang masusing pagsisikap ng Diyos. Ang Diyos ang nagsasaayos ng iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran para madala ang mga tao sa harapan Niya. Walang pakialam ang mga huwad na lider sa alinman sa mga ito. Sinuman ang nalilihis ng mga anticristo, ipinagwawalang-bahala nila ito gamit ang iisang parirala: “Nararapat lang ito sa kanila!” Sa paggawa niyon, binabalewala nila ang lahat ng pagsisikap ng lahat ng kasangkot at ang masusing pagsisikap ng Diyos, na para bang wala itong halaga. Ano ba ang ibig sabihin ng “Nararapat lang ito sa kanila”? Ibig sabihin nito, “Sino bang nagsabing ipangaral mo ang ebanghelyo sa kanila? Hindi sila karapat-dapat na manampalataya sa Diyos. Isang pagkakamali ang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Sino bang nagsabi sa kanilang sumunod sa mga anticristo? Bagama’t wala akong ginawang anumang tunay na gawain, hindi ko rin naman sila pinasunod sa mga anticristo. Sila ang nagpumilit na gawin iyon; nararapat lang sa kanila na sumunod sa mga anticristo!” Anong uri ng pagkatao mayroon ang ganitong klaseng tao? May puso man lang ba siya? Isa siyang malupit na hayop, mas masahol pa sa isang asong bantay, at gayumpaman, isa siyang lider? Hindi siya karapat-dapat! Dapat may pagkilatis ka: Dahil ang mga gayong tao ay walang konsensiya at katwiran at napakalupit, hindi mo sila dapat piliin bilang lider. Hindi dapat maging magulo ang isip mo! Bukod sa nabibigo silang gawin ang lahat ng posible para maibalik ang lahat ng nawala at mabawi ang mga nalihis ng mga anticristo, nagsasabi rin sila ng gayon kalupit na mga bagay—napakamapaminsala nila! Ang kalikasan ng problema sa ganitong uri ng tao ay mas mabigat kaysa sa isang karaniwang huwad na lider. Bagama’t hindi sila maituturing na mga anticristo, batay sa mga pagpapamalas nila, malinaw na wala silang pagkatao at hindi karapat-dapat na maging lider o manggagawa. Isa lang silang pangit, walang utang na loob na taksil! Hindi nila alam kung ano ang atas ng Diyos, ni wala silang kamalayan kung anong gawain ang dapat nilang ginagawa. Hindi nila ito tinatrato nang may konsensiya at katwiran; hindi sila karapat-dapat na maging lider ng hinirang na mga tao ng Diyos at hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng atas ng Diyos. Sa partikular, walang pagmamahal sa hinirang na mga tao ng Diyos ang mga huwad na lider. Kapag nalilihis ang mga kapatid, lalo pa nilang pinagmamalupitan ang mga ito kapag bulnerable ang mga ito, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Nararapat lang ito sa kanila,” walang anumang ipinapakitang pagsimpatiya. Ang gayong tao, kapag nakikita niyang nalulugmok sa kasawiang-palad o mga paghihirap ang isang tao, ay hindi tutulong, sa halip ay lalo pa niya itong pagmamalupitan habang bulnerable ito. Hindi makakaramdam ng anumang pag-uusig ang konsensiya niya, at patuloy siyang magiging lider sa paraang dati na niyang ginagawa. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? (Oo.) Bukod sa mga kapatid, kahit kung ang isang mabuting walang pananampalataya ay lubhang pinipinsala ng mga diyablo, bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang nilikha, ang sinumang may normal na pagkatao ay makakaramdam ng simpatiya; lalo nang masasaktan ang puso nila kapag sa mga kapatid mangyayari ito—sa mga sinserong nananampalataya sa Diyos—na nalilihis at napipinsala ng mga anticristo. Ang mga huwad na lider na ito ay walang ginagawang tunay na gawain sa panahon kung kailan gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo at pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi nila inilalantad ni hinihimay ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo, lalong wala silang pagpapahalaga sa pasanin para tulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkilatis sa mga anticristo at tanggihan ang mga ito mula sa puso nila. Wala silang nararamdamang pagpapahalaga sa responsabilidad sa usaping ito. Kahit kapag nalilihis ng mga anticristo ang ilang tao, binibitawan lang nila ang malupit, walang-pusong pahayag, “Nararapat lang ito sa kanila.” Nakakagalit talaga ito! Para umiwas sa responsabilidad, para pangalagaan ang sarili nila, para ilihis at gawing manhid ang mas maraming tao, at para maiwasang makondena ng Diyos, nagsasabi sila ng mga gayong di-makataong bagay. Hindi ba’t kamuhi-muhi ito? (Oo.) Anuman ang sabihin mo, hindi mo tinupad ang mga responsabilidad mo, at hindi mo ginawa nang maayos ang trabaho mo—ang mga ito ang mga pagpapamalas ng isang huwad na lider; hindi mo maitatanggi ang mga bagay na ito kahit gaano mo pa subukan. Isa kang huwad na lider.
Ang ilang huwad na lider ay hindi lang kumikilos nang malupit, walang puso, at iresponsable matapos na malihis ng mga anticristo ang ilang kapatid, sinasabing nararapat lang sa mga taong ito ang malihis, pero kahit kapag hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na tuparin nila ang responsabilidad nila na bawiin ang mga taong medyo may mabuting pagkatao at may pag-asang maibalik sa iglesia hangga't maaari, wala pa ring ginagawang tunay na gawain ang mga huwad na lider na ito. Kahit kapag hinihiling ng ilang tao na bumalik sa iglesia, nananatili silang walang pakialam at hindi nagpapakita ng malasakit, hindi itinuturing ang buhay ng mga tao bilang ang pinakamahalagang bagay na dapat pahalagahan. Nabibigo silang bawiin ang mga nalihis na kapatid hangga't maaari. Hindi nila matupad ang responsabilidad na ito, at hindi sila nagsisikap na gawin ito. Kahit pa paulit-ulit na hinihingi ng mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos na gawin nang maayos ang gawaing ito, wala pa ring pakialam ang mga huwad na lider, hindi sila umaaksiyon at wala silang ginagawang gawain. Bilang resulta, ang ilang taong nalihis ng mga anticristo at inihiwalay o pinaalis ay hindi pa rin makabalik sa sambahayan ng Diyos at hindi pa rin nakakabalik sa normal na buhay iglesia. Siyempre, may ilang tao na hindi talaga natutugunan ang mga kondisyon para sa pagbawi ng sambahayan ng Diyos sa iba't ibang aspekto, pero may iba na pwedeng maibalik. Kung, sa pamamagitan ng mapagmahal na pagtulong at matiising pagsuporta, magagawa nilang maunawaan ang katotohanan, makilatis, at matanggihan ang mga anticristo, pwede silang maibalik. Gayumpaman, dahil hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga lider at manggagawa, hindi ipinapatupad ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi tinatrato na mahalaga ang buhay ng mga taong ito, may mga taong naliligaw pa rin. Binabalewala ng mga lider at manggagawang ito ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos gamit ang iba't ibang palusot. Ni hindi nila pinapansin ang mga kapatid na gustong bumalik sa iglesia at pasok naman sa mga kondisyon ng iglesia para sa pagtanggap. Gumagawa sila ng kung ano-anong palusot, sinasabing may masamang pagkatao ang mga taong ito, nahaharap sa mga panganib sa seguridad, mahilig magbihis nang magara, nalulugod sa mga kalayawan ng laman, mahilig sa katayuan, at iba pa. Gamit ang mga gawa-gawang palusot at dahilang ito, tumatanggi silang pabalikin ang mga ito sa iglesia. Ang mga taong ito ay nalihis at nakontrol ng mga anticristo, pero walang pakialam ang mga huwad na lider sa pagkaligaw ng mga ito. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad o pakiramdam ng konsensiya. Maaaring iniisip nilang mahirap o mapanganib ang pagbawi sa mga taong ito, o maaaring sa kaibuturan nila ay ayaw nila at hindi sila sumasang-ayon. Ano’t anuman, dahil sa iba't ibang kadahilanan, hinding-hindi nila ipinatutupad ang nabanggit sa itaas na pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pagpapamalas ng mga gayong huwad na lider. Hindi lang sila nabibigong aktibong makipagtulungan at tuparin ang mga responsabilidad nila tungkol sa anumang gampaning itinatalaga ng Diyos o ng sambahayan ng Diyos, kundi kapag may naglalantad ng pagpapabaya nila sa responsabilidad, ipinagtatanggol nila ang sarili nila, nagsasabi sila ng mga bagay na umiiwas sa mga responsabilidad nila at pinapangatwiranan nila ang sarili nila para pagtakpan ang katotohanan ng kapabayaan nila. Hindi ba’t mas kamuhi-muhi ang mga gayong huwad na lider? (Oo.) Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider na ito ay pabaya rin sa pangangasiwa sa mga anticristo na lubhang namiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, wala silang ginagawang anumang tunay na gawain. Binabalewala nila ang bawat detalye ng gawaing ito na hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ayaw nilang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, gusto lang nilang gawin ang gusto nila at kumilos ayon sa gusto nila—gumagawa nang bahagya kung gusto nila at wala silang ginagawa kung ayaw nila. Ganap nilang binabalewala ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos, binabalewala nila ang mga tungkulin at responsabilidad na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at lalong binabalewala nila ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Walang pagkatao at walang konsensiya ang mga taong ito; sila ay mga naglalakad na bangkay. Maglalakas-loob ba kayong ipagkatiwala ang mahalagang usaping ito ng buhay ninyo ng paghahangad sa kaligtasan sa pananampalataya sa Diyos sa mga taong walang pagkatao? (Hindi.) Kahit hindi ka nila ihain sa mga anticristo, gagawin ba nila ang lahat ng makakaya nila para labanan ang mga anticristo kapag nililihis at lubhang pinipinsala ng mga ito ang hinirang na mga tao ng Diyos? Hindi, dahil ang mga gayong taong ay malulupit na hayop na walang pagpapahalaga sa responsabilidad. Nagsisilbi lang sila bilang mga lider para makapagtiyak sila ng mga pakinabang para sa sarili nila.
Ang mga huwad na lider ay nagpapakita minsan ng malasakit sa mga kapatid; tinatanong nila kung may anumang kailangan ba ang mga ito, kung kumusta ang pagkain at tirahan ng mga ito, at iba pa. Napakamaalalahanin nila pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pang-araw-araw na pamumuhay, pero pagdating sa mga usaping tungkol sa atas ng Diyos, sa buhay at kamatayan ng mga kapatid, at sa mga katotohanang prinsipyo, nananatili silang walang pakialam at walang ginagawa kahit sino pa ang magtanong sa kanila. Iniintindi lang nila ang tungkol sa pisikal na kasiyahan, pagkain, pananamit, tirahan, transportasyon, o mga materyal na pakinabang ng mga tao, at mga gayong usapin lang ang inaasikaso nila. Sinasabi ng ilang tao, “May kontradiksiyon ang mga salita Mo. Hindi ba’t sinabi Mo na malupit sila? Magiging handa ba ang isang malupit na tao na gawin ang mga bagay na ito para sa iba? Magiging mabait ba ang isang malupit na tao para gawin ang mga bagay na ito para sa lahat?” (Hindi.) Sa katunayan, gagawin nga ng ilang malupit na tao ang mga bagay na ito, at may dalawang dahilan para dito. Ang una ay, habang ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa lahat, gumagawa rin sila ng mga bagay para sa sarili nila, at nakikinabang sila mula rito. Kung wala silang makukuhang pakinabang mula sa paggawa ng isang bagay, tingnan mo kung ginagawa pa rin nila ito—agad nilang babaguhin ang saloobin nila at titigil sila. Bukod dito, kaninong pera ang ginagamit nila para gawin ang mga bagay na ito at maghangad ng mga pakinabang para sa lahat? Ang sambahayan ng Diyos ang gumagastos para dito. Dalubhasa ang mga taong ito sa pagiging bukas-palad gamit ang mga rekurso ng sambahayan ng Diyos. Paano nila hindi magagawa ang mga bagay na ito kung sila naman mismo ang nagkakamit ng mga pakinabang? Habang naghahangad sila ng mga pakinabang para sa lahat, ang totoo ay ginagawa nila ang mga bagay para sa sarili nila. Hindi sila ganoon kabait para maghangad ng mga pakinabang para sa kapakanan ng iba! Kung tunay silang naghahangad ng mga pakinabang para sa lahat, dapat wala silang anumang makasariling motibo, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, sa halip ay palagi nilang hinahangad ang mga pakinabang para sa sarili nila, at hindi man lang nila iniintindi ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Bukod dito, ginagawa nila ang mga bagay para sa lahat upang hangaan sila ng mga tao at sabihin ng mga ito, “Ang taong ito ay naghahangad ng mga pakinabang para sa atin at pinoprotektahan ang ating mga interes. Kapag may kailangan tayo, dapat natin siyang lapitan para asikasuhin niya ito. Kapag naririyan siya, hindi tayo maghihirap.” Ginagawa nila ang mga bagay na ito para pasalamatan sila ng lahat. Sa pagkilos nang ganito, nagkakamit sila ng parehong kasikatan at mga pakinabang, kaya bakit hindi nila gagawin ang mga bagay na ito? Kung naghahangad sila ng pakinabang para sa lahat, pero walang nakakaalam na sila ang may gawa nito, at nagpapasalamat ang lahat sa Diyos sa halip na sa kanila, at walang sinumang mapagpasalamat sa kanila, gagawin pa rin kaya nila ito? Siguradong mawawalan sila ng ganang gawin ito; malalantad ang tunay nilang pagkatao. Kapag gumagawa ng anumang bagay ang mga ganitong klaseng tao, ganap na nalalantad ang kalikasang diwa nila. Samakatwid, kapag ginugulo ng mga anticristo ang iglesia, hinding-hindi sila gagawa ng anumang tunay na gawain para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos.
Katatapos lang nating magbahaginan na matapos magdusa sa panlilihis, kontrol, at pinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, nagbubulag-bulagan pa rin dito ang mga huwad na lider. Hindi sila nag-iisip ng anumang paraan para mabawi ang hinirang na mga tao ng Diyos, ni hindi nila tinutupad ang mga obligasyon at responsabilidad nila. Isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang mga damdamin, lagay ng loob, at interes. Hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad nila, at hindi nila inaako ang pananagutan; sa halip, iniiwasan nila ang mga responsabilidad nila at tinatakasan ang mga ito. At hinuhusgahan pa nila ang hinirang na mga tao ng Diyos matapos malihis at makontrol ng mga anticristo ang mga ito, sinasabing hindi sinserong nananampalataya sa Diyos ang mga ito, para makaiwas sa sarili nilang responsabilidad, nang hindi nakakaramdam ng anumang pag-uusig ng konsensiya. Ang mga huwad na lider na ito ang pinakakamuhi-muhi. Pawang lubhang kasuklam-suklam ang iba’t ibang uri ng pagpapamalas ng mga huwad na lider na natalakay natin, pero itong huling uri ng tao ay talagang walang anumang pagkatao. Ang ganitong uri ng tao ay isang malupit na hayop, isang halimaw na nakabihis pantao; hindi siya maituturing na kabilang sa sangkatauhan, kundi dapat siyang iklasipika na kabilang sa mga hayop. Bakit hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya? Dahil wala siyang pagkatao, walang konsensiya o katwiran. Ang mga responsabilidad, obligasyon, pagmamahal, pagtitiyaga, malasakit, at pagprotekta sa mga kapatid—wala sa mga bagay na ito ang nasa puso niya; hindi niya taglay ang mga katangiang ito. Ang kawalan ng mga katangiang ito sa pagkatao niya ay katumbas ng kawalan ng pagkatao. Ito ang mga pagpapamalas ng ikaapat na uri ng huwad na lider.
Ang mga ito halos ang apat na uri ng pagpapamalas ng mga huwad na lider na kailangang ilantad sa loob ng ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Siyempre, may iba pang mga katulad na pagpapamalas, pero ang apat na uri na ito ay karaniwang kumakatawan na sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa paggampan sa gawaing ito, pati na sa pagkataong diwa nila. Sa ilang kategorya man natin hatiin ang mga pagpapamalas nila, ang dalawang prominenteng pagpapamalas ng mga huwad na lider ay, ano’t anuman, matatagpuan pa rin sa loob ng apat na kategoryang ito: Ang isa sa mga ito ay ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain, at ang isa pa ay ang kawalan ng kakayahang gumawa ng aktuwal na gawain. Ito ang dalawang pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga huwad na lider. Anuman ang pagkatao at kakayahan ng mga huwad na lider, at paano man nila tinatrato ang katotohanan, ano’t anuman, ang dalawang pagpapamalas na ito ay nasa loob ng apat na kategoryang ito. Dito nagtatapos ang nilalaman tungkol sa paglalantad sa mga huwad na lider sa pagbabahaginan natin ngayon sa ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Karagdagang Nilalaman: Pagsagot sa mga Katanungan
May mga tanong ba kayo? (Diyos ko, gusto kong magtanong. Sa simula ng pagtitipon, tinanong kami ng Diyos kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo at ng mga aktuwal na anticristo, at kung ano ang mga karaniwang katangian ng diwa ng mga anticristo. Noong oras na iyon, naramdaman naming nablangko ang isipan namin, at matapos magnilay-nilay sandali, ilang napakasimpleng salita at doktrina lang ang naisip namin. Mahigit isang taon nang nakikipagbahaginan ang Diyos sa mga katotohanan tungkol sa paglalantad sa mga anticristo, pero kaunti lang ang kaya naming maunawaan at maisagawa sa mga ito. Isa sa mga dahilan nito ay hindi namin pinagsumikapan ang mga katotohanang ito, at ang isa pa ay medyo kakaunti ang mga anticristo na aming nakakasalamuha at hindi namin naunawaan ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga ito sa mga aktuwal na sitwasyon. Samakatwid, kahit ngayon ay wala talaga kaming anumang pagpasok sa mga katotohanang ito, wala kaming masyadong pagkilatis sa mga anticristo, at maraming pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo sa sarili namin ang hindi pa namin natutukoy. Gusto kong itanong kung paano lutasin ang problemang ito.) Para sa anumang aspekto ng katotohanan, dapat mayroon kang ilang tunay na karanasan at kaalamang batay sa karanasan, at dapat kang magkamit ng tunay na pagkaunawa, para maitanim sa puso mo ang mga salita ng katotohanan. Ang proseso ng pagkamit sa katotohanan ay palaging ganito. Ang mga bagay na natatandaan mo ay ang mga bagay na nakakamit mo sa pamamagitan ng mga karanasan mo; ang mga ito ang mga pinakamalalim na impresyon. Samakatwid, habang nagbabahaginan tayo tungkol sa paksa ng mga anticristo ngayon, pinabalik-aralan Ko muna sa inyo ang nilalamang ito. May ilang bagay kayong naalala. Sa mga bagay na naalala ninyo, may ilan dito na teoretikal para sa inyo, pero natural na may ilang pagpapamalas ng mga anticristo na medyo maiuugnay ninyo sa tunay na buhay—lahat ay kailangang danasin ito sa ganitong paraan. Ang normal na sitwasyon para sa mga tao ay na kahit gaano tila kahusay ang pagkaunawa nila habang nakikinig sa mga sermon, teoretikal lang ang pagkaunawa nila at nakabatay sa doktrina, at wala silang kaalaman sa katotohanan. Kailan ba mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Kapag naranasan na niya ang mga bagay na ito, saka lang siya magkakaroon ng praktikal na kaalaman. Kung hindi nararanasan ang mga totoong sitwasyon, walang magkakamit ng kaalaman. At kaya, habang nagbabahaginan tayo tungkol sa paksa ng mga anticristo ngayon, kinakailangan ang mabilisang pagbabalik-aral at pagbibigay sa inyo ng simpleng paalala. Pagkatapos nito, nagbahaginan man tayo tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider o manggagawa o sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, kahit papaano ay hindi ito magiging masyadong mababaw para sa inyo—iyon lang. Gayumpaman, kailangan pa rin ninyong maranasan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi nagsasaayos ang Diyos ng ilang totoong tao, pangyayari, at bagay, saan kami magkakamit ng karanasan? Hindi namin kaya na kami mismo ang maghanap sa mga anticristo, hindi ba?” Hindi mo kailangang hanapin sila. Ang pinakasimpleng solusyon ay na kapag nakatagpo ka ng mga anticristo, sikapin mo nang husto na itugma sila sa mga salita ng Diyos. Itugma ang kanilang mga panlabas na pagbubunyag, pahayag, kilos, at disposisyon, pati na rin ang kanilang mga iniisip at pananaw, at maging ang kanilang asal at pakikitungo sa mundo, ang kanilang istilo ng pamumuhay, at iba pa—ibig sabihin, itugma sila sa labinlimang pagpapamalas ng mga anticristo na tinalakay natin. Itugma ang pinakamaraming makakaya mo. Ganito ang pagkaarok ng mga tao: Wala sila masyadong matandaan dahil limitado ang memorya ng tao. Kayang magsalita nang husto ng mga tao tungkol sa mga bagay na naranasan nila mismo. Kahit gaano karami ang sabihin nila, hindi ito batay sa memorya kundi sa karanasan at sa pinagdaanan nila. Ang mga bagay na ito na nakamit nila ang pinakamalapit sa katotohanan at sa aktuwal na totoo—ang mga ito ang mga bagay na nakamit ng mga tao sa pamamagitan ng karanasan. Bukod sa mga ito, ang mga bagay na tumutugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao at ang mga bagay na batay sa kaalaman ay hindi tumutugma sa katotohanan, kahit ilang taon nang inookupa ng mga ito ang malaking bahagi ng isipan mo matapos mong unang pasukin ito. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, matatanggal at maisasantabi ang mga bagay na ito. Gayumpaman, iyong mga bagay na malapit sa katotohanan at umaayon sa katotohanan, na nakamit mo sa pamamagitan ng karanasan, ang siyang mahalaga. Lubos man ninyong nauunawaan o hindi ang mga itinanong Ko ngayon, tiyak na may bahagi sa paksa ng pagkilatis sa mga anticristo na kaya ninyong maunawaan, dahil nakaranas na kayong lahat ng ilang panlilihis at panggugulo mula sa mga anticristo. Nagbigay ito sa inyo ng kaunting pagkilatis, at kapag nakaharap kayo ng mga anticristo na gumagawa ng kasamaan at nanggugulo sa gawain ng iglesia, maaaring magamit ninyo ang mga katotohanang ito. Nagagamit lang ang mga salitang ito kapag naharap ka sa mga totoong kapaligiran. Kung hindi pa ninyo naranasan ang panlilihis ng mga anticristo at nakikita lang ninyo sa imahinasyon ninyo ang mga kilos nila, wala itong silbi. Gaano man kagaling ang imahinasyon mo, hindi ito mangangahulugan na makikilatis mo sila. Kapag nahaharap sa mga totoong kapaligiran, saka lang likas na tumutugon ang mga tao, gamit ang kanilang sariling mga kaisipan at pananaw, ilang teoryang naranasan na nila, at ilang doktrina, paraan, at gawing natutuhan nila, para harapin at pangasiwaan ang mga usaping ito, sa huli ay gumagawa ng iba’t ibang desisyon. Pero bago maranasan ng mga tao ang mga sitwasyong ito, ayos na rin kung mayroon silang dalisay na pagkaarok at impresyon sa iba’t ibang teorya. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ba ang silbi ng pagsasabi Mo nang napakarami bago pa namin makaharap ang mga anticristo?” Kapaki-pakinabang ito. Hindi ba’t ang mga salitang naglalantad sa mga anticristo ay nakalimbag sa isang aklat? Ang mga salitang iyon ba ay ganap mong mauunawaan at makikilatis sa loob ng isa o dalawang araw? Hindi. Ang layon ng paglilimbag ng mga ito sa aklat na iyon ay para iligtas kayo at para madalas ninyong mabasa ang mga salitang ito, maunawaan ang mga katotohanang ito, at para din mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos at matanggap ang panustos ng buhay kapag nahaharap kayo sa iba’t ibang sitwasyon sa hinaharap—ito man ay isang insidente ng anticristo, mga suliranin sa pagbabago ng sarili ninyong disposisyon, o iba pa. Ang mga salita ng Diyos sa aklat na ito ang pinagmumulan para maranasan at mapangasiwaan mo ang mga usaping ito at makapasok ka sa mga aspektong ito ng katotohanan. Ang dami ng nauunawaan mo habang nakikinig ka sa mga sermon ay hindi kumakatawan sa dami ng realidad na taglay mo. Kung hindi mo maunawaan o matandaan ang isang bagay sa isang pagkakataon, hindi ibig sabihin na hindi mo ito kailanman mararanasan o hindi mo ito kailanman mauunawaan sa hinaharap. Sa madaling salita, dapat ninyong maunawaan na tanging ang mga bagay na nakakamit ng mga tao mula sa karanasan at ang kanilang nalalaman batay sa mga salita ng Diyos ang nauugnay sa katotohanan. Ang mga bagay na natatandaan ng mga tao at ang mga bagay na nauunawaan nila sa isipan nila ay kadalasang walang kaugnayan sa katotohanan; doktrina lang ang mga ito. Ano ang pinakamahahalagang bagay pagdating sa katotohanan? Ang pinakamahahalagang bagay ay karanasan at pagpasok. Sa anumang aspekto ng katotohanan, kapag aktuwal itong nararanasan ng mga tao, ang huling ani nila ay ang bunga ng katotohanan at ang landas para sa pananatiling buhay nila. Kaya naman, ang hindi pagkaalala ay hindi isang problema.
Kung direkta Kong sinimulang talakayin ang pangunahing paksa sa simula ng pagtitipon, hindi ba’t hindi kayo agad na makakatugon? Kaya, kailangan Kong gumamit ng ilang pamamaraan, at tatanungin Ko muna kayo, “Naaalala ba ninyo ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may diwa ng mga anticristo at mga taong may disposisyon ng mga anticristo?” Ang layon Ko sa pagtatanong nito ay hindi para matuliro o mailantad kayo, kundi para mabigyan kayo ng panimula. Pagkatapos, nagbalik-aral tayo, at unti-unting naalala ng ilan, “Nagbahaginan tayo noon kung paano tinatrato ng mga anticristo ang katotohanan, at kung kumusta ang pagkatao ng mga anticristo.” Ang ilang nilalaman tungkol sa mga anticristo ay nag-iwan na ng malalim na impresyon sa iyo; ang nilalamang ito ay naghihintay na magamit mo kapag naranasan mo ang mga gayong bagay, para maging gabay at direksiyon para sa pagsasagawa mo. Pero may mga nilalaman pang walang anumang impresyon sa iyo noong una mo itong narinig. Kailangan ding maranasan ang nilalamang ito. Kapag pinagdaanan mo ang mga karanasang ito at pagkatapos ay kumain, uminom, at magdasal-magbasa ng mga salitang ito, mas marami pa ang makakamit mo. Ito man ay nilalamang may impresyon sa iyo o wala, pagkatapos mong pagdaanan ang mga bagay na ito, magkakahalo-halo ang lahat ng ito. Ang mga doktrinang natandaan mo ay magiging praktikal na pagkaunawa mo at mga nakamit mo matapos mong maranasan ang mga ito. Tungkol naman sa nilalamang walang impresyon sa iyo, pagkatapos mong maranasan ito minsan, maaaring magkaroon ka ng kaunting impresyon, pero ito ay magiging kaunting paimbabaw na kaalaman lang. Ang paimbabaw na kaalamang ito ay makakapanatili lang sa antas ng doktrina. Kailangan mo pa ring maranasang muli ang mga katulad na bagay, at sa puntong iyon, gagabay ito sa iyo, magbibigay ng direksiyon sa iyo, at maglalaan sa iyo ng landas para sa pagsasagawa. Ang pagdanas sa mga salita ng Diyos at ang pagdanas sa katotohanan ay ang ganitong uri ng proseso. Nakakahiya ba na hindi ninyo alam kung paano sagutin ang tanong na itinanong Ko? Hindi ito nakakahiya. Kung biglaan ninyo Akong tatanungin, kakailanganin Ko ring pag-isipan muna ito, isasaalang-alang Ko kung ano ang ibig sabihin ng tanong, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang kaugnay nito. Ganito gumagana ang utak at isipan ng tao—kailangan nito ng oras bago tumugon. Kahit isa itong bagay na napakapamilyar na sa iyo, kung hindi mo ito naranasan sa loob ng maraming taon, kakailanganin mo pa rin ng oras bago tumugon kapag bigla mo itong naranasang muli. Gaano mo man kalalim na naranasan ang isang bagay, kapag muli mo itong naransan makalipas ang maraming araw o taon, kakailanganin mo pa rin ng oras bago tumugon—lalo na’t ang pagkaunawa ninyo sa paksa ng mga anticristo ay nasa antas pa lang ng mga salita at doktrina, hindi pa ninyo ito maiugnay sa mga anticristong nakakaharap ninyo sa tunay na buhay, at masasabing hindi pa rin ninyo talaga nakikilatis ang mga anticristo. Kaya, ang mga katotohanang ito ay naghihintay pa rin na praktikal ninyong maranasan ang mga ito—saka lang ninyo mabeberipika ang pagiging totoo at tumpak ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, napagbahaginan natin dati na ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi. Ipagpalagay nang kinabisado mo ito at sinabi mo, “Sinabi ng Diyos na ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi. Susuway at kokontra sila sa Diyos hanggang sa huli. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at hinding-hindi nila aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, anuman ang mangyari. Tutol sila sa katotohanan.” Sa antas lang ng doktrina ka nakakaunawa, tumatanggap, o may impresyon sa pahayag na ito; kaunting paimbabaw na kaalaman lang ito. Sa kalooban mo, nararamdaman mong tama ang pahayag na ito, pero aling mga partikular na salita na sinasabi ng mga anticristo, aling mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, at anong kalikasan ang nagtutulak sa kanila, at iba pa, ang tumutugma at nauugnay sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo? Alin sa mga ito ang makakapagpakita na totoo ang paglalantad ng Diyos? Nangangailangan ito na makaharap mo ang isang anticristo nang personal, o marinig mo mula sa mga tagamasid ang tungkol sa mga gawa at salita ng isang anticristo, at sa huli, napagtatanto mo, “Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos, ganap na tama ang mga ito. Ang taong ito ay ilang beses nang nailarawan bilang isang anticristo at ilang beses nang tinanggal. Bagama’t hindi pa siya napapatalsik o napapaalis, ipinapakita ng kanyang mga pagpapamalas at paghahayag na hinding-hindi niya tinatanggap ang katotohanan, na matigas siyang hindi nagsisisi, at hindi lang siya may disposisyon ng anticristo kundi pati na rin ang kalikasang diwa ng isang anticristo—isa talaga siyang ganap na anticristo.” At balang araw, kapag napatalsik na ang taong ito, matitiyak mo sa puso mo: “Napakatumpak ng mga salita ng Diyos! Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay pwedeng magbago, pero iyong mga may diwa ng mga anticristo ay hindi magbabago.” Nag-uugat sa puso mo ang mga salitang ito. Hindi lang ito isang alaala o kaunting impresyon, ni isang uri ng paimbabaw na kaalaman. Sa halip, malalim mong nauunawaan at tinatanggap ang mga salita ng Diyos: “Ang isang anticristo ay hindi magbabago; kokontra siya sa Diyos hanggang sa huli. Hindi kataka-takang hindi siya inililigtas ng Diyos; hindi kataka-takang hindi gumagawa ang Diyos sa mga gayong tao. Hindi kataka-takang hindi sila kailanman nagkakaroon ng kaliwanagan o pagtanglaw kapag ginagawa nila ang tungkulin nila at hindi sila nagpapakita ng anumang paglago—determinado silang tahakin ang sarili nilang landas. Isa itong tunay na anticristo!” Kapag naberipika mo ang katumpakan ng mga salita ng Diyos, iniisip mo: “Ang mga salita ng Diyos ay tunay na ang katotohanan. Tama ang mga salitang ito. Amen!” Ano ba ang ibig sabihin ng pagsasabi mo ng Amen? Ibig sabihin nito na sa pamamagitan ng mga karanasan mo, naunawaan mo na ang mga salita ng Diyos ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kahit na lumipas ang kapanahunang ito at ang sangkatauhang ito, hindi lilipas ang mga salita ng Diyos. Bakit ba hindi lilipas ang mga ito? Dahil kahit kailan, hindi kailanman magbabago ang diwa ng mga anticristo, at hindi kailanman magbabago ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa diwa ng mga anticristo. Bagama’t lilipas ang kapanahunang ito, bagama’t lilipas ang tiwaling sangkatauhang ito, ang mga salitang ito ng Diyos ay mananatiling ang katotohanan ng mga katunayan—walang makapagkakaila nito. Ito ang salita ng Diyos! Kapag nararamdaman mo na ang mga salita ng Diyos ay tumutugma at naaayon sa mga katunayang nakikita at nararanasan mo, at nagkakamit ng katiyakan ang puso mo, at hindi lang ito isang pakiramdam na tiyak na tama ang mga salita ng Diyos o na hindi mali ang mga ito, kundi nakita at personal mong naranasan, at pinagdaanan ito, natural kang magsasabi ng Amen sa mga salita ng Diyos. Sa oras na iyon, kung itatanong Kong muli, “Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may diwa ng mga anticristo?” agad na lalabas ang panloob mong pagkaunawa. Hindi ka lang magkakaroon ng isang impresyon, ng isang natandaang parirala, o isang uri ng kamalayan o paimbabaw na kaalaman. Sasabihin mo agad, “Ang mga anticristo ay talagang hindi tumatanggap sa katotohanan at matigas na hindi nagsisisi!” Bagama’t maaaring walang masyadong lohikal na balangkas ang pahayag na ito, bagama’t masyadong biglaan ang pagkakasabi nito, at hindi ito mauunawaan ng mga tao sa simula, alam mo kung ano ang ibig sabihin nito dahil naranasan mo ito at nakita ito ng sarili mong mga mata. Ganoon mismo kabuhong ang mga anticristo—hinding-hindi sila magsisisi. Ang mga salitang ito ay kailangang maranasan; ang sinumang hindi dumaranas ng mga ito ay walang anumang makakamit.
Oktubre 2, 2021