Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 20
Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang tao, Pangyayari, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan Sila, at Ituwid ang mga Bagay-Bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Mula sa mga ito (Ikapitong Bahagi)
Natapos na tayong magbahaginan sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa noong huling pagtitipon. Nakumpara na ba ninyo ang sarili ninyo sa nilalaman ng pagbabahaginang ito? Pinagninilay-nilayan ba ninyo ang pagbabahaginang ito? Kapag narinig na nila ang pakikipagbahaginan Ko, makapagsasagawa ng ilang katotohanan ang mga nagmamahal sa katotohanan at iyong mga may pagpapahalaga sa katarungan at kaunting pagkatao pagkatapos nilang maunawaan ang mga ito. Una, kaya nilang itugma ang mga katotohanang nauunawaan nila sa sitwasyon nila, suriin ang sarili nila kumpara sa katotohanan, tukuyin ang mga problema nila, at pagkatapos ay gumamit ng ilang usapin at kapaligiran sa tunay na buhay at sa paggawa ng mga tungkulin para lutasin ang mga problemang ito. Unti-unti, hinggil sa mga katotohanang nauunawaan nila, naaarok nila ang mga prinsipyong dapat isagawa at sundin ng mga tao. Sa isang banda, nagkakamit sila ng mas malalim na pagkaunawa at kaalaman sa sarili nila, at sa kabilang banda, nauunawaan nila nang mas praktikal at tumpak kung ano talaga ang sinasabi at nilalaman ng katotohanan. Gayumpaman, iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol dito, gaano man karaming katotohanan ang naririnig nila, ay walang kamalayan o pagbabago. Hindi man lang nagbabago ang kanilang kalagayan, saloobin kapag ginagawa ang tungkulin nila, ang mga layong hinahangad nila, istilo ng pamumuhay, at ang mga prinsipyo ng pagiging tao. Patuloy silang kumikilos ayon sa gusto nila at namumuhay ayon sa nais nila; walang epekto sa kanila ang mga katotohanang ito, ni hindi sila nahihimok ng mga ito na pagnilayan at kilalanin ang sarili nila hanggang sa puntong namumuhi na sila sa sarili nila. Kung hindi nila maaabot ang punto ng pagkamuhi sa sarili nila, tiyak na hindi nila makakamit ang tunay na pagsisisi. Kung walang tunay na pagsisisi, walang totoong pagpasok; kung walang totoong pagpasok, tiyak na walang pagbabago sa disposisyon. Samakatwid, maraming taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, bagama’t nakikipagtipon din sila, gumagawa ng mga tungkulin, maraming taon nang nakikinig sa mga sermon, at madalas na nakikisalamuha sa mga kapatid, ay walang anumang pagkaunawa sa kanilang sarili, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago, at hindi talaga nadaragdagan ang pananalig nila sa Diyos. Sinusunod nila ang Diyos nang mayroon silang mga inisyal na kuru-kuro at imahinasyon at nang may layunin at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Ilang taon man na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga nagbago ang kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, mga pananaw sa mga bagay-bagay, mga pamamaraan sa paghahangad at ang mga layong hinahangad nila, at mga saloobin kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Ang mga kasalukuyang pagbubunyag at ang mga pagpapamalas na isinasabuhay nila ay resulta ng hindi paghahangad sa katotohanan. Pinagbahaginan natin ang labindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero hindi talaga nagbago ang pag-uugali ng ilang lider at manggagawa. Hindi talaga nagbago ang mga saloobin nila kapag ginagawa ang mga tungkulin nila at ang mga saloobin nila sa mga hinihingi ng Diyos. Ang napagbahaginang nilalaman ay naglalayong magpaalala, magbigay-gabay, at mag-udyok sa mga may kaunting paghahangad sa katotohanan, at iyong mga may kaunting pagkatao at iyong mga may kaunting kamalayan ang konsensiya. Gayumpaman, wala itong naging epekto sa ilang mas mapagmatigas, tuso, at hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Bakit ganito? Dahil ang saloobin ng mga taong ito sa katotohanan ay saloobin ng pagtutol at pagkapoot. Gaano man karaming katotohanan ang napagbabahaginan, ganoon pa rin ang saloobin nila: “Ano’t anuman, ginagawa ko ang tungkulin ko at sumusunod ako sa Diyos; tunay akong gumugugol ng sarili ko para sa Diyos. Paano man ako umasal, hangga’t nagpapatuloy ako hanggang sa huli, maaari akong magkamit ng mga pagpapala!” May anumang katwiran ba ang ganitong klase ng pag-iisip? Sila ay ganap na hindi magbabago at walang kahihiyan, hindi ba? Hindi ba’t ito ay pagiging matigas ang ulo at pagtangging magsisi anuman ang mangyari? (Oo.)
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan sila, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto mula sa mga ito.” Noong nakaraan, hinati natin sa labindalawang isyu ang pagbabahaginan natin sa responsabilidad na ito. Ang nilalaman ng labindalawang isyung ito ay pangunahing tumatalakay sa kung paano dapat harapin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga problemang ito kapag lumilitaw sa iglesia ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo para makamit ang epekto ng pagpoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, nang sa gayon ay natutupad ang mga papel na dapat ginagampanan ng mga lider at manggagawa at ang mga responsabilidad na dapat nilang gampanan. Detalyado nating pinagbahaginan ang bawat isyu sa loob ng labindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pinagbahaginan natin ang ilang partikular na pagpapamalas ng bawat isa, at sinipi natin ang ilang partikular na halimbawa. Sa usapin ng mga prinsipyo, medyo praktikal ang nilalaman na napagbahaginan. Bagama’t ang mga naibigay na halimbawa ay hindi masasaklaw ang lahat, malinaw namang napagbahaginan ang mahahalagang isyu ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sa partikular, kayo bilang mga lider at manggagawa ay dapat na maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan para malutas ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia. Una, kailangan ninyong mahanap ang mga salitang naghihimay sa diwa ng mga problema mula sa napagbahaginang nilalaman at iugnay ang mga ito sa mga problema. Sa pagkaunawa sa diwa ng mga problema, mas madaling mahanap ang mga kaugnay na solusyon at lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pagkaunawa sa diwa ng problema ay napakahalaga bago ito lutasin. Kapag naunawaan mo na ang diwa ng problema, dapat mo ring maunawaan at maarok ang mga prinsipyo ng pangangasiwa ng problemang ito. Kapwa lubos na kinakailangan ang dalawang aspektong ito: Ang isa ay ang diwa ng problema, at ang isa pa ay ang mga prinsipyo ng paglutas sa mga gayong problema. Dapat malinaw ang mga bagay na ito sa mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan ng pagkaarok sa dalawang prinsipyong ito, saka mo lang tumpak na malulutas ang lahat ng problema at wastong mapapangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na may kinalaman sa iba’t ibang isyu, sa halip na gamitin ang mga regulasyon at palakihin masyado ang mga isyu. Sa kasalukuyan, kapag pinapangasiwaan ng ilang lider at manggagawa ang ilang isyu, sa isang banda, sumusunod lang sila sa mga regulasyon, at sa kabilang banda, nabibigo silang maarok ang diwa ng mga isyu, madali silang nakakaagrabyado ng mga tao at gumagawa ng mga paglihis. Nangangailangan ito ng malinaw na pagkaunawa sa mga detalye, mga partikular, at konteksto ng mga isyu. Dagdag pa rito, mahalagang tingnan ang palagiang pag-uugali ng isang tao para matukoy kung saang kategorya siya nabibilang. Mapapangasiwaan lang nang ayon sa mga prinsipyo ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagiging bihasa sa mga aspektong ito. Ang ilang lider at manggagawa, kapag ginagawa ang gawain nila, ay ginagamitan lang ng regulasyon ang mga problema at masyadong pinapalaki ang mga ito, habang hindi nila makilatis ang aktuwal na diwa ng mga taong sangkot, kung mabubuti o masasamang tao man ang mga ito, kung palagian man ang pag-uugali ng mga ito o paminsan-minsan lang na pagsalangsang. Hindi nila makilatis ang mga aspektong ito, kaya malamang talaga na magkamali sila. Sa mga gayong kaso, kung makakapagbotohan ang iglesia, epektibo nitong maiiwasan ang ilang pagkakamali. Ang presensiya ng mga paglihis at pagkakamaling ito ay pinakamalinaw na makakapagbunyag sa kung may pagkilatis sila at kung napapangasiwaan nila ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo. Ibinubunyag din nito kung may taglay na katotohanang realidad ang mga lider at manggagawa. Kung ang isang lider o manggagawa na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ay hindi mapangasiwaan ang mga totoong problemang ito, sapat na itong patunay na ang lider o manggagawang ito ay hindi isang tao na naghahangad sa katotohanan.
Matapos maunawaan ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa, ang mga prinsipyong dapat nilang sundin, at ang saklaw ng gawain nila, dapat tayong bumalik sa tema ng yugtong ito ng pagbabahaginan: paglalantad sa mga huwad na lider. Ito ang pangunahing paksa. Hinggil sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ang paksang pagbabahaginan natin ngayon ay ang mga bahagi kung saan pabaya ang mga huwad na lider sa tungkulin nila, at ang mga pagpapamalas nila ng hindi paggawa ng tunay na gawain. Una, basahin natin ang nilalaman ng ikalabindalawang responsabilidad. (Ikalabindalawang bilang: Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan sila, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto mula sa mga ito.) Malinaw na binabanggit ng ikalabindalawang responsabilidad ang tatlong aspekto ng gawain na dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Paano ito nauugnay sa paglalantad sa mga huwad na lider? (Una, dapat nating maunawaan ang ilang responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Pagkatapos, ikinukumpara natin kung tinupad ng mga huwad na lider ang mga responsabilidad na ito, at kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider; ang pagsukat sa kanila ayon sa pamantayang ito ay medyo tumpak.) Tama iyan. Ang pagtukoy kung huwad na lider ba o hindi ang isang tao ay hindi ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng iyong mga mata para tingnan ang mukha niya at makita kung mabuti ba o masama ang kanyang pagmumukha, ni hindi ito ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano siya mukhang nagdusa sa panlabas, o kung gaano siya nagpakaabala. Bagkus, dapat mong tingnan kung natutupad ba ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at kung magagamit ba niya ang katotohanan para lutasin ang mga tunay na problema. Ito lang ang tumpak na pamantayang magagamit para suriin siya. Ito ang prinsipyo ng paghihimay, pagkakilala, at pagtukoy kung huwad na lider ba ang isang tao. Sa ganitong paraan lang maaaring maging makatarungan ang pagsusuri, naaayon sa mga prinsipyo, alinsunod sa katotohanan, at patas para sa lahat. Ang pagsasalarawan na huwad na lider o huwad na manggagawa ang isang tao ay dapat batay sa sapat na mga katunayan. Hindi ito dapat batay sa isa o dalawang insidente o paglabag, lalong hindi maaaring gamitin ang pansamantalang pagbubunyag ng katiwalian bilang batayan para dito. Ang tanging tumpak na mga pamantayan sa pagsasalarawan sa isang tao ay kung kaya ba niyang gumawa ng tunay na gawain at gumamit ng katotohanan para lutasin ang mga problema, gayundin kung siya ba ay isang tamang tao, kung siya ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at nakakapagpasakop sa Diyos, at kung taglay ba niya ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maisalarawan nang tama ang isang tao bilang isang huwad na lider o huwad na manggagawa batay sa mga salik na ito. Ang mga salik na ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsusuri at pagtukoy kung huwad na lider o huwad na manggagawa ba ang isang tao.
Ang Tatlong Gampaning Nararapat Gampanan ng mga Lider at Manggagawa sa Loob ng Ikalabindalawang Responsabilidad
I. Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, At Bagay na Nagdudulot ng mga Paggambala at Panggugulo
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay may tatlong gampanin, o tatlong hakbang. Sa pamamagitan ng pagsunod sa tatlong hakbang na ito para kumpletuhin ang gawaing ito, naitataguyod ang mga prinsipyo ng gawaing ito, at natutupad ang mga responsabilidad ng gawaing ito. Ano ang tatlong gampaning ito? (Una, agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Pangalawa, pigilan at limitahan sila, at ituwid ang mga bagay-bagay. Pangatlo, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto mula sa mga ito.) Ang tatlong gampaning ito ay ang mga hinihingi sa mga lider at manggagawa sa ikalabindalawang responsabilidad. Una, ang unang hinihingi sa mga lider at manggagawa ay agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa buhay iglesia. Ito ay para tumukoy nang agaran at tumpak, hindi para tumugon nang mabagal at di-sensitibo, ni manghusga nang bulag at walang ingat—hindi katanggap-tanggap ang mga walang ingat na panghuhusga. Ang ilang lider at mangaggawa, dahil sa kanilang mahinang kakayahan at magulong isipan, ay pinupungusan at sinesermunan ang mga tao nang walang ingat tungkol sa maliliit na usapin, basta-bastang binabansagan ang mga ito, at bulag na hinuhusgahan ang mga ito nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo. Ang paggawa sa ganitong paraan ay labag sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, kahit papaano, dapat makakilatis ng iba’t ibang tao, pangyayari at bagay ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos. Agaran at tumpak lang nilang matutukoy ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia kung may pagkilatis sila. Para makamit ang abilidad na makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ano ang unang hinihingi? Una, kinakailangang maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang klase ng tao, pati na rin sa kung paano tinutukoy ng Diyos ang iba’t ibang tao at ang iba’t ibang nagiging kalagayan nila. Bukod dito, mahalagang mahimay kung paano lumilitaw ang iba’t ibang negatibong kalagayan at kung ano ang mga ugat ng mga ito. Dagdag pa rito, kailangang maunawaan ng isang tao ang epekto ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ano ang batayan sa pagtugon sa mga kondisyong ito? Anong gawain ang unang dapat isagawa ng mga lider at manggagawa? Kung ang mga lider at manggagawa ay palaging mataas ang tingin sa sarili, kumikilos na parang mga burukrata at hindi nakikisalamuha sa mga kapatid, hindi naaarok ang iba’t ibang kalagayan ng mga kapatid, hindi malapit na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang klase ng tao, at walang detalyadong obserbasyon at malalim na pagkaunawa sa mga ito, katanggap-tanggap ba ito? Tiyak na hindi ito katanggap-tanggap. Ang ilang lider at manggagawa ay madalas na nagtatago sa kanilang silid, ginagamit ang espirituwal na debosyon at pagsusulat ng mga artikulo ng mga patotoong batay sa karanasan bilang mga dahilan para balewalain at hindi arukin ang gawain ng iglesia. Sa panlabas, tila nag-aasikaso sila ng mga usapin ng iglesia habang nagtatago sa silid nila, pero sa katunayan, ihiniwalay na nila ang sarili nila mula sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Malulutas ba ng ganitong pamamaraan ng paggawa ang mga problemang umiiral sa iba’t ibang aytem ng iglesia? Matutulungan ba nito ang hinirang na mga tao ng Diyos na magawa nang maayos ang mga tungkulin nila? Kapag nagtatago sila sa kanilang silid para magsulat ng mga artikulo ng patotoo, nararanasan ba nila ang gawain ng Diyos? Samakatwid, hindi angkop ang pamamaraang ito. Ayon sa ikalabindalawang responsabilidad, ang unang gampanin ng mga lider at manggagawa ay agarang tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang prinsipyo. Tinatanong ng ilang tao, “Kaya ba labis na pinapasangkot ang mga lider at manggagawa sa buhay iglesia ay para lang agaran at tumpak nilang matukoy ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at pangggugulo?” Tama ba ang pagkaarok na ito? (Hindi.) Isa itong baluktot na pagkaarok. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na may tamang saloobin at pamamaraan sa gawain nila at dapat din silang malapit na makipag-uganayan sa mga kapatid. Sa ganitong paraan lang nila agaran at tumpak na matutukoy at malulutas ang mga problema. Kung hindi sila malapit na makikipag-ugnayan sa mga kapatid at hindi mamumuhay kasama ang hinirang na mga tao ng Diyos, magiging napakahirap na tukuyin ang lahat ng problema sa gawain ng iglesia. Kung malulutas lang nila ang ilang problema pagkatapos na mag-ulat at maghanap ng mga solusyon ang mga tao, magiging napakalimitado ng epekto ng gawaing ito. Ang pinakamaling pamamaraan ng paggawa ng mga lider at manggagawa ay ang bumukod at gumawa nang nakahiwalay sa iba, tulad ng mga sinaunang iskolar na ganap na inilaan ang sarili nila sa pag-aaral ng mga libro ng mga pantas at binalewala ang mga usapin sa labas. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong saloobin at istilo ng pamumuhay ng mga lider at manggagawa. Nagsosolo ka sa kwarto mo, nakikinig sa mga sermon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsusulat ng mga tala tungkol sa espirituwal na debosyon, at nagsusulat ng mga sermon, pero ang pagkakamit ba ng kaunting doktrina at salita ay nangangahulugang nauunawaan mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba ito na nauunawaan mo ang mga aktuwal na sitwasyon at mga totoong kalagayan ng mga taong nailantad ng katotohanan? (Hindi.) Kaya, bagama’t ang buhay ng espirituwal na debosyon ay mahalaga sa gawain ng mga lider at manggagawa, ang pinakamahalagang bagay ay ang magkaroon ng mga tamang pamamaraan sa paggawa at tamang istilo ng pamumuhay.
II. Ang Agarang Pagpipigil at Paglilimita sa Masasamang Tao
Ang ikalawang hinihingi sa mga lider at manggagawa na nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad ay na kapag natukoy nila ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia, dapat agaran at tumpak silang makagawa ng mga panghuhusga. Kailangang malinaw nilang matukoy ang kalikasan ng iba’t ibang tao at pangyayari, at intindihin kung paano nakakaapekto ang mga ito sa buhay iglesia, kung nagiging banta, nakakagulo, o nanabotahe ang mga ito sa mga kalagayan, buhay pagpasok, at pagganap ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos, at kung nakakaapekto ang mga ito sa mga resulta ng paggampan ng mga tao sa tungkulin—ang mga lider at manggagawa ay dapat na agaran at tumpak na husgahan at suriin ang mga usaping ito. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung wala silang utak para dito at wala sila ng tamang kakayahan, hindi nila magagawa ang gawain ng iglesia. Dagdag pa rito, ang mga lider at manggagawa ay kailangang may matalas na pagtugon at pagkilatis sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, kapag lumilitaw sa iglesia ang mga alitan at nangyayari ang iba’t ibang paggambala at panggugulo, hindi mo matukoy ang problema at iniisip mong hindi ito mahalaga, dahil dito, maraming tao ang naaapektuhan at hindi nila magawa nang maayos ang mga tungkulin nila. Hindi ba’t manhid at bulag ang gayong lider o manggagawa? (Oo.) Isa itong problema sa mga lider at manggagawa. Ano ang dapat mong gawin kapag natuklasan mong ginagambala at ginugulo ng isang tao ang gawain ng iglesia? Una, dapat mong ikumpirma ang kalubhaan ng isyu at suriin at husgahan ang diwa ng mga gayong tao at ang epekto at mga kahihinatnan ng mga gayong bagay sa gawain ng iglesia at sa buhay iglesia. Ano ang dapat na maging batayan ng gayong panghuhusga? Dapat na batay ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano mo ito ibinabatay sa mga salita ng Diyos? Tingin ko, walang kabuluhang pagsasalita ito.” Ang totoo, hindi ito walang kabuluhang pagsasalita. Bakit Ko sinasabi ito? Kapag nahaharap ka sa mga gayong bagay o nakikita o naririnig mo ang tungkol sa mga ito, sadyang kailangan mong ikumpara ang mga ito sa mga isyung inilalantad ng mga salita ng Diyos. Tingnan mo kung paano inilalantad at hinihimay ng mga salita ng Diyos ang mga gayong tao at usapin, at kung paano Niya inilalarawan ang mga isyung ito, tulad ng kung paano Niya inilalantad ang mga huwad na lider at mga anticristo, at kung paano Niya inilalantad ang mga tiwaling disposisyon ng iba’t ibang tao, at iba pa. Pagkatapos, ikumpara at himayin mo ang mga usaping ito ayon sa mga salitang iyon, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga kapatid at ng sarili mong mga obserbasyon, sa wakas ay makakagawa ka na ng tumpak na pagsusuri at paglalarawan sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakikita mo, at makakabuo ka ng mga nauugnay na solusyon. Paano dapat pangasiwaan ang mga determinadong maging kabilang sa iba’t ibang tao na nanggagambala at nanggugulo? Bukod sa dapat silang ilantad at himayin para tulungan ang mga tao na makilatis sila, dapat din silang pigilan at limitahan, at ang mga hindi nagbabago sa kabila ng paulit-ulit na pagsaway ay dapat na paalisin. Ano ang mga diskarte at partikular na pamamaraan para pigilan at limitahan sila? (Pungusan sila at bigyan ng babala.) Magandang pamamaraan ba ang pagpupungos? (Oo.) Ang paglalantad sa mga kilos nila, pagtutukoy sa mga pinakamalubha nilang problema, paghihimay sa diwa nila, at pagbibigay ng mga babala—hindi ba’t mga pamamaraan ito na kaya namang gawin? Siyempre, ang pinakamahalagang bagay ay ang basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos at gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan para himukin at himayin sila. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan at matigas silang tumatangging aminin ang mga pagkakamali nila, kung gayon, kinakailangan ang mas mahihigpit na pamamaraan. Una, bigyan sila ng babala, pagkatapos, gamitin ang mga atas administratibo ng iglesia para limitahan sila, hindi sila hinahayaan na walang ingat na gumawa ng masasamang gawa at guluhin ang mga kapatid. Dapat din silang pungusan at pangasiwaan. Kinakailangan ang mga pamamaraang ito, lahat ng ito ay para masigurong nagagawa nang maayos ang gawain ng iglesia at para maligtas ang mga tao, ginagabayan sila patungo sa tamang landas. Ang paggamit sa mga pamamaraang ito ay tiyak na magkakamit ng magagandang resulta. Sa isang banda, gamitin ang katotohanang nauunawaan ng mga tao para hikayatin at ilantad sila, na naghihimay sa disposisyon at diwa nila, naglalantad sa mga kalikasan ng mga kilos nila at sa malulubhang kahihinatnan na idinulot nila—ito ang pinakamaliit na pwedeng gawin ng mga tao. Ang susunod na hakbang ay ang himayin at kilatisin sila batay sa mga salita ng Diyos, at ilarawan sila nang naaayon. Kung susundin nila ang payo, tatanggapin ito, at magsisisi sila, siyempre, iyon ang pinakamainam. Gayumpaman, kung hindi nila ito tinatanggap at patuloy nilang guguluhin ang gawain ng iglesia, ano na ang dapat gawin? Sa ganoong kaso, hindi na kailangang maging magalang pa. May mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, at sa puntong ito, ang naturang tao ay dapat pigilan at limitahan ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Kung ang naturang tao ay isang bagong mananampalatayang may mababang tayog na hindi nakakaunawa sa katotohanan, pwede siyang tulungan nang may pagmamahal; pwede kang makipagbahaginan sa katotohanan para matulungan siyang makilala ang sarili niya. Para sa mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at magsisi, hindi na sila kailangang pigilan, limitahan, at pungusan. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi ito isang usapin ng pagkakaroon ng mababaw na pundasyon o mababang tayog at hindi pagkaunawa sa katotohanan; isa itong problema sa pagkatao nila. Para sa mga gayong tao, ang mga administratibong pamamahala at administratibong kaparusahan ang dapat gamitin para pigilan at limitahan sila. Ang pinakahuling epektong nakakamit ay ang pagtataguyod sa gawain ng iglesia at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, na magtutulot sa buhay iglesia na makapagpatuloy sa maayos na paraan. Tinatawag itong pagtutuwid sa mga bagay-bagay, at ito ang epektong dapat makamit ng mga lider at manggagawa sa gawain nila. Kapag nakamit na nila ang epektong ito, saka lang nila natutupad ang responsabilidad nila. Kung babalewalain ng mga lider at manggagawa ang anumang mga problemang lumilitaw, tumutugon lang nang pabasta-basta gamit ang ilang salita at doktrina, o sinasaway at pinupungusan, sa isang simpleng paraan at gamit lang ang kaunting salita, iyong mga nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, malulutas ba nito ang isyu? Bukod sa nabibigo nitong malutas ang problema, humahantong din ito sa mas malaking kaguluhan sa iglesia—karamihan ng tao ay nawawalan ng ganang gawin ang mga tungkulin nila at nagugulo sila sa magkakaibang antas, na nakakaapekto sa paggampan nila ng tungkulin. Natupad ba ng mga gayong lider at manggagawa ang responsabilidad nila? (Hindi.) Ipinapakita nito na walang kakayahan ang mga lider at manggagawang ito sa gawain nila.
III. Paglalantad sa Masasamang Gawa ng Masasamang Tao, Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos at Matuto ng mga Aral
Ang ikatlong hinihingi sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay na kapag nahaharap sa mga paggambala at panggugulo na dulot ng masasamang tao, ang mga lider at manggagawa ay dapat na kumain at uminom ng salita ng Diyos kasama ang hinirang na mga tao ng Diyos para pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, at magkaroon sila ng tunay na pagbabago. Dapat maakay nila ang hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ng mga ito, at makamit ang pagsunod sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagpapatotoo sa Diyos. Ang ganitong uri lang ng gawain ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa isang banda, ang mga lider at manggagawang gumagawa sa ganitong paraan ay nagagawang lutasin ang mga problema at sangkapan ang sarili nila ng katotohanan habang gumagawa sila. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga problema, natutulungan nila ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan, malaman kung paano pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, gawin nang maayos ang mga tungkulin nila, malaman kung paano kilatisin at tratuhin ang mga tao, makamit ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos, hindi mapigilan ng iba, at magawang makapanindigan sa patotoo nila. Pagtupad ito sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa; ito ang prinsipyong dapat isagawa ng mga lider at manggagawa sa paglutas ng mga problema habang isinasagawa ang gawain ng iglesia. Anumang mga problema ang lumitaw sa iglesia, una sa lahat, ang mga lider at manggagawa ay dapat hanapin ang katotohanan, arukin ang mga layunin ng Diyos, at hanapin ang paggabay ng Diyos nang magkakasama. Pagkatapos, dapat silang maghanap ng mga nauugnay na mga salita ng Diyos para lutasin ang iba’t ibang umiiral na problema. Sa proseso ng paglutas sa mga problema, ang mga lider at manggagawa ay dapat na mas makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga nauugnay na salita ng Diyos, at maunawaan ang diwa ng mga problema batay sa mga salita ng Diyos. Dapat din nilang himukin ang hinirang na mga tao ng Diyos na makipagbahaginan tungkol sa sariling pagkaunawa ng mga ito para makilatis ang mga isyung ito. Kapag pare-pareho na ang pagkaunawa ng mayorya at nagkaroon na ng kasunduan ang mga ito, mas madali nang malutas ang mga problema. Sa paglutas ng mga problema, huwag paulit-ulit na alalahin ang mga pangyayari o usisain ang maliliit na detalye o sisihin ang mga indibidwal na sangkot sa mga problema. Sa umpisa, huwag tumuon sa maliliit na isyu; sa halip, malinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, dahil mabubunyag nito ang kalikasan ng mga problema. Ang pamamaraang ito lang ang nakakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos na matutunang kilatisin ang mga isyu batay sa mga salita ng Diyos, magkamit ng pagkilatis mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw, at matuto ng mga praktikal na aral mula sa mga ito. Tinutulutan din sila nito na ikumpara sa tunay na buhay ang mga salita at doktrinang karaniwan nilang nauunawaan, na nagbibigay sa kanila ng kakayahan na tunay na maunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t ito ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ang pag-akay sa hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad ay pangunahing kinasasangkutan ng paggamit sa katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng hinirang na mga tao ng Diyos at ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang pamamaraang ito ang nagbubunga ng mga pinakamainam na resulta. Kapag mas nagagawa ng mga lider at manggagawa na gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, mas madaling nauunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan. Sa ganitong paraan, malalaman nila kung paano isagawa at gamitin ang salita ng Diyos sa tunay na buhay. Kung madalas na inaakay ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos para lutasin ang mga aktuwal na prolema, madadala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad at mailalapat din nila ang salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t masyado namang malaki ang hinihinging ito sa mga lider at manggagawa? Paano kami magkakaroon ng napakaraming pagkaunawa?” Maaaring wala ito sa iyo dati, pero hindi ba’t kaya mo namang matuto at magsagawa para makamit ang resultang ito? Ito ang paraan ng pagsasanay ng gawain ng Diyos sa mga lider at manggagawa at sa hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo alam kung paano, pwede kang matuto at magsagawa. Anuman ang mga problemang lumitaw, dapat mong matutunan na pagnilayan ang sarili mo at kilalanin ang sarili mo batay sa mga salita ng Diyos; ito ang proseso ng pagsasagawa. Pagkatapos magsagawa nang ilang beses at magkamit ng mga resulta, magkakaroon ka ng landas at malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan. Kapag pumaparito ang Diyos para gumawa, ito ang paraan ng pag-akay Niya sa mga tao para matutunan ng mga ito na pumasok sa katotohanang realidad. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na madalas na makipag-usap sa mga kapatid, humarap sa mga problema nang magkakasama, lumutas ng mga problema nang magkakasama, at gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Paano dapat akayin ng mga lider ng iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang pangunahing paraan ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na tukuyin at lutasin ang mga problema sa tunay na buhay, isagawa at danasin ang salita ng Diyos sa tunay na buhay, para bukod sa maisasagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan, makikilatis din nila ang mga negatibong bagay at mga negatibong tao—mga huwad na lider, mga huwad na manggagawa, masasamang tao, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo. Ang layon ng pagkilatis sa iba’t ibang tao ay ang malutas ang mga problema. Sa pamamagitan lang ng lubusang paglutas sa mga panggugulo na dulot ng masasamang tao at mga anticristo uusad nang maayos ang gawain ng iglesia, at maisasakatuparan ang kalooban ng Diyos sa iglesia. Kasabay nito, ang pagtugon sa masasamang tao ay nagsisilbing babala rin para maiwasang makagawa ng mga pagkakamali o kasamaan, nagbibigay kakayahan sa sarili na magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa ganitong paraan, bukod sa tinutupad mo ang tungkulin mo at nagkakamit ka ng buhay pagpasok, nauunawaan mo rin ang katotohanan at nakakapasok ka sa katotohanang realidad. Hindi ba’t dalawang ibon na ang napupukol mo gamit lang ang iisang bato? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mong lumutas ng mga problema, pinapatunayan nito na taglay mo ang kakayahan para maging isang lider at manggagawa at natutugunan mo ang mga hinihingi para malinang sa sambahayan ng Diyos; kaya, dapat kang manguna at gabayan mo ang mga kapatid sa pagkatutong makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa tunay na buhay; magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan; alamin kung paano tratuhin ang lahat ng uri ng tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia; alamin kung paano isagawa ang katotohanan, paano tratuhin ang iba’t ibang tao nang ayon sa mga prinsipyo, at paano pagbahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Responsabilidad mo ito. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, nakakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos. Matututo ka ng mga aral, magkakamit ka ng pagkilatis, at mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos sa bawat usaping dumarating sa tunay mong buhay, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano mo pinapangasiwaan ang mga usapin, tinatrato ang mga tao, at ginagawa ang mga tungkulin mo. Sa ganitong paraan, maisasagawa mo ang katotohanan. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay ang magkamit ng mga gayong resulta. Samakatwid, anuman ang mga suliraning lumilitaw, palagi mo dapat matutunan ang iyong leksiyon at magkaroon ka ng pagkilatis; hindi mo ito dapat hayaang mawala na lang, ni hindi mo dapat palampasin ang anumang pagkakataon na matuto ka ng iyong leksiyon at magkaroon ng pagkilatis. Sapagkat nangyari ang isang bagay, hindi natin dapat harapin ito nang may negatibo at mapanising saloobin; sa halip, dapat natin itong harapin nang may positibong saloobin. Paano iyon ginagawa? Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang problema. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at ang pagkatao nila ay maaaring mabuti o masama, kaya paanong hindi magkakaroon ng mga problema kapag nagtitipon ang mga tao? Ano dapat ang saloobin mo, ngayong nailatag na ng Diyos ang sitwasyong ito para sa iyo, na naipakita na Niya sa iyo ang gayong mga tao, kaganapan, at mga bagay na nangyayari sa paligid mo? Pasalamatan ang Diyos sa paglalatag ng iba’t ibang problemang ito sa iyong harapan. Binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsagawa at matuto ng mga aral, at na makapasok sa katotohanang realidad. Bilang mga lider at manggagawa, dapat mo ring pasalamatan ang Diyos sa pagbibigay Niya sa iyo ng gayong oportunidad. Anumang mga problema ang makaharap mo, dapat mong akayin ang mga kapatid na matutong kumilatis, makakuha ng mga aral, at magkaroon ng mga kabatiran kasama mo. Dagdag pa rito, dapat mo silang akayin kasama mo para pagnilayan at unawain kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa problema, kung anong mga baluktot na pananaw ang umiiral, anong mga aral ang natutunan mula sa pagharap sa usaping ito, anong mga maling kuru-kuro at pananaw ang nalutas, at anong mga katotohanan ang naunawaan sa huli. Ganito dapat danasin ng isang tao ang gawain ng Diyos, walang pinapalampas na ni isang usapin. Kung maraming taon mo nang dinaranas ang gawain ng Diyos at marami ka nang nalutas na problema, makikita mong ang mga salita ng Diyos ay pawang ang katotohanan at tiyak na kayang linisin ang mga tao at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas. Kapag nauunawaan at nakakamit ng mga tao ang katotohanan, makikita nilang ang mga salita ng Diyos ay ganap na natutupad at naisasakatuparan. Kapag nagagawang isagawa at danasin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang Kanyang mga salita, magagawa na nilang ilapat ang mga salita ng Diyos sa kanilang tunay na buhay, gamitin ang salita ng Diyos nang tama para tingnan ang mga tao at usapin, at sukatin ang mga tao at lahat ng ginagawa nila nang ayon sa salita ng Diyos, sa halip na umasa sa nakikita nila o sa mga nararamdaman nila, at tiyak na hindi sa mga kuru-kuro o imahinasyon. Kapag natutunan na nila ang mga aral na ito, nagiging mas madali na para sa kanila na mamuhay batay sa mga salita ng Diyos, at madalas ay nagagawa nilang mamuhay sa presensiya ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang mga lider at manggagawa ay ganap na pasok sa pamantayan ng gawain nila, at natutupad ang mga responsabilidad nila. Makakamit lang ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga pakinabang na ito kapag ginagawa nang lubusan ng mga lider at manggagawa ang gawain nila. Kung, sa maraming sitwasyong kinakaharap mo, hindi mo alam kung paano akayin ang mga kapatid para matuto sila ng mga aral at hindi mo makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari o bagay, kung gayon ay isa kang tao na bulag, manhid, at mapurol at magulo ang utak mo. Kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, bukod sa malilito ka na, hindi mo alam kung paano papangasiwaan ang mga ito, at wala kang kakayahan para sa gawaing ito, makakaapekto rin ito sa karanasan ng mga kapatid sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Kung pinapangasiwaan mo nang di-wasto ang mga bagay, kung hindi ka gumagawa ng anumang gawain, walang sinasabing anuman para makipagbahaginan sa katotohanan gaya ng nararapat mong gawin, at hindi ka makapagsabi ng anumang bagay na kapaki-pakinabang at nakakapagpatibay sa iba, kung gayon, kapag maraming tao ang humarap sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, bukod sa mabibigo silang tanggapin ang mga usaping ito mula sa Diyos, tratuhin ang mga ito nang positibo at aktibo, at matuto ng mga aral mula sa mga ito, lalo pang lalala ang kanilang mga kuru-kuro at pagiging mapagbantay laban sa Diyos, gayundin ang kanilang di-pagtitiwala at paghihinala sa Kanya. Hindi ba’t ito ang kahihinatnan ng kawalan ng katotohanang realidad ng mga lider at manggagawa at ng kawalan nila ng kakayahang gamitin ang katotohanan para malutas ang mga problema? Hindi ba’t isa itong tanda na hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain ng mga lider at manggagawa? Hindi mo ginawa nang maayos ang gawain ng iglesia, hindi mo nakumpleto ang atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, hindi mo natupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi mo naakay palabas ang mga kapatid mula sa kapangyarihan ni Satanas. Namumuhay pa rin sila sa loob ng mga tiwaling disposisyon at mga tukso ni Satanas. Hindi ba’t inaantala mo ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos? Labis mong pinipinsala ang mga tao! Bilang isang lider o manggagawa, dapat mong tanggapin ang atas ng Diyos, akayin ang mga kapatid sa harap ng Diyos, hayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan at gawin ang mga tungkulin nila nang may mga prinsipyo, nang sa gayon ay nadaragdagan ang pananalig nila sa Diyos, Bukod sa nabigo kang magsagawa sa ganitong paraan, hindi mo rin nilimitahan o nilutas ang mga panggugulong dinulot ng masasamang tao, na nagdudulot ng pinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, bukod sa wala silang naging pag-usad at hindi nila naunawaan ang katotohanan at hindi sila nagkamit ng kaalaman sa Diyos, nagkaroon pa sila ng maraming kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, nang walang anumang tunay na pagpapasakop. Kung gayon, hindi ba’t sa aktuwal, ang lahat ng ginawa mo ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos? Bukod sa hindi mo inakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa katotohanang realidad o hindi mo sila pinrotektahan, hinayaan mo pa silang magulo ng masasamang tao at malihis at makontrol ng mga anticristo. Hindi ba’t gumawa ka ng mga bagay na nakakasakit sa sarili mong mga tao at nakakalugod sa mga kaaway mo? Hindi ba’t tumutulong at sumusuporta ka sa kasamaan? Napakatagal mo nang gumagawa; gayumpaman, bukod sa nabigo kang magkamit ng mga positibong resulta, lalo mo pang pinalaki ang agwat sa pagitan ng mga kapatid at ng Diyos, at dahil dito, maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang hinirang na mga tao ng Diyos nang hindi nila nauunawaan ang katotohanan o natututunan kung paano kilatisin ang mga paggambala at panggugulo ng masasamang tao, na labis na nakakaapekto sa kanilang buhay pagpasok. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t paggawa ito ng maraming kasamaan? Anuman ang gawaing ginagawa ng mga lider at manggagawa, kung hindi nila magagawang kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at pangasiwaan ang mga usapin o lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang impluwensiya nila ay hindi lang limitado sa kanilang sarili o sa iilang tao lang; makakaapekto ito sa gawain ng iglesia, sa buhay pagpasok ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia, sa resulta ng paggawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ng mga tungkulin nila, sa mga resulta ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, at maging sa kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay maliligtas at madadala sa kaharian ng Diyos—lahat ng ito ay bahaging maaaring maapektuhan nito. May ilang tao na nananampalataya sa Diyos pero sumusunod sa mga huwad na lider at anticristo, na nauuwi sa kanilang pagkasira. Katulad lang ito ng mga tao sa mga relihiyosong samahan na nalilihis at nakokontrol ng mga pastor at elder, na nagreresulta sa kanilang pagkabigong salubungin ang Diyos sa Kanyang pagbabalik at sa halip ay nahuhulog sila sa kapahamakan. Kitang-kita na totoo ang lahat ng ito. Kaya naman, ang kakayahang makilatis ang mga huwad na lider at anticristo ay lubos na kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos!
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay hinihingi sa kanila na gampanan ang tatlong pinakamahalagang gampanin: Una, dapat nilang tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ikalawa, matapos makilatis at mailarawan ang mga ito, dapat nilang agad na pigilan at limitahan ang masasamang tao; ito ang ikalawang hakbang. Ikatlo, habang pinipigilan at nililimitahan ang masasamang tao at binabago ang mga bagay-bagay, dapat silang regular na makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid para ilantad ang masasamang gawa ng masasamang tao, at mahigpit na subaybayan ang mga reaksiyon at pag-unawa ng mga kapatid tungkol sa usaping ito, agad na itinatama ang anumang maling pananaw na mayroon ang mga kapatid. Siyempre, kung may mga kabatiran ang ilang kapatid na naghahangad sa katotohanan, dapat silang hikayatin na mas makipagbahaginan pa. Dagdag pa rito, dapat ding tulungan ng mga lider at manggagawa iyong mga mahina o may mababang tayog, at hikayatin ang mga ito na mas magsalita pa. Ang intensiyon nito ay tulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis at matuto ng mga aral mula sa mga kaganapang nangyayari, para matuto silang kilatisin ang mga tao at usapin. Ang layon ng pagkilatis sa mga tao at usapin ay para bigyan sila ng kakayahan na tumpak na maunawaan ang iba’t ibang uri ng tao at, ayon sa mga katotohanang prinsipyo, tratuhin ang mga ito gamit ang mga tamang paraan, habang natututo rin sila ng mga aral. Anong mga aral ang dapat nilang matutunan? Dapat nilang obserbahan kung ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong ito kapag hinihimay at inilalantad Niya ang mga kalagayan ng mga ito—ang pag-alam sa saloobin ng Diyos sa mga taong ito ay mas inililinaw kung maging anong uri dapat ng tao at anong landas ang dapat na tahakin, hindi ba? (Oo.) Sa madaling salita, ang pinakaresulta na dapat makamit ay maunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan at makapasok sila sa realidad sa mga kapaligiran ng tunay na buhay, para magawa nila nang normal ang mga tungkulin nila, at makapagpasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang paggampan ng mga lider at manggagawa sa gawain ng iglesia ay magiging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Batay sa tatlong hakbang ng paggampan sa gawaing ito, mahirap ba para sa mga lider at manggagawa na maayos na magawa ang gawaing ito? (Hindi.) Kung umaasa sa kabaitan at kakayahan ng tao, maaaring medyo mahirap gawin nang maayos ang gawaing ito, dahil hindi mo makakamit ang resultang hinihingi ng Diyos at hindi mo matutupad ang mga tunay na responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Magagawa mo ba nang maayos ang gawaing ito kung umaasa sa mga tiwaling disposisyon ng tao? (Hindi.) Sa tumpak na pananalita, ang pag-asa sa mga tiwaling disposisyon para magawa ang gawaing ito ay nangangahulugan ng pagkilos batay sa mga sarili mong mga ideya. Ano ang magiging resulta nito? (Magdudulot ito ng kaguluhan sa iglesia.) Ito ang isang kahihinatnan: Habang mas gumagawa ka, mas lalong nagiging magulo ang mga bagay-bagay. Ano ang kaguluhan? Ano ang mga partikular na kalagayan ng kaguluhan? Ito ay kapag, sa mga pagtitipon, ang mga tao ay hindi makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang normal o makapagbahaginan sa katotohanan. Palaging may masasamang tao at mga hindi mananampalataya na nagdudulot ng mga panggugulo, o palaging may mga pagtatalo, kung saan pinanghahawakan ng bawat tao ang sari-sarili nilang pananaw at bumubuo sila ng mga paksiyon at pangkat; ang mga kapatid ay walang pagkilatis at hindi alam ang gagawin, iyong mga may espirituwal na pagkaunawa at nagmamahal sa katotohanan ay nagugulo rin, at hindi lumalago ang buhay nila. Sa gayong iglesia, ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ang ganap na may kapangyarihan, at hindi gumagawa ang Banal na Espiritu. Sa gayong iglesia, anuman ang mangyari, lahat ng tao ay nagsasalita nang sabay-sabay, nagpapahayag ng iba’t ibang pananaw, pero halos walang tamang pananaw ang nasasabi. Agad na nahahati ang iglesia sa maraming paksiyon, walang pagkakaisa sa mga tao, at walang palatandaan ng paggawa o paggabay ng Banal na Espiritu. Ang mga tao ay mapagbantay laban sa isa’t isa at pinaghihinalaan ang isa’t isa; dalawa o tatlong grupo ang nag-aagawan para sa kapangyarihan at pakinabang; lahat ay naghahanap ng sarili nilang mga tagasuporta, at binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila; at maaaring magawa ang iba’t ibang uri ng masasamang gawa. Ganito ang hitsura ng kaguluhan. Paano nagiging ganito ang sitwasyon? Hindi ba’t dahil sa kawalan ng kakayahan ng mga lider at manggagawa na gawin ang gawain nila? (Oo.) Ang paggawa ng mga lider at manggagawa ayon sa sarili nilang mga ideya ay nagdudulot ng mga ganitong kahihinatnan. Ano ang ibig sabihin ng paggawa batay sa sariling mga ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay hindi pagkaunawa sa katotohanan, kawalan ng mga prinsipyo, at kumikilos nang bulag batay sa mga tiwaling disposisyon at mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, na nagdudulot ng higit pang kaguluhan sa iglesia. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Paanong may masasamang taong nagdudulot ng mga panggugulo sa iglesia? Hindi ko alam kung sino ang tama at sino ang mali, o kung kanino ako kakampi.” Maaari namang sabihin ng iba, “Nahahati ang iglesia sa ilang paksiyon. Paano naman natin maisasabuhay ang buhay iglesia? Ang bawat pagtitipon ay walang saysay at sayang lang sa oras. Ang patuloy na pananampalataya sa ganitong paraan ay walang maidudulot na anumang resulta.” Kapag ang isang iglesia ay naging napakagulo na hindi na makapamuhay ng buhay iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos, ganap itong itinataboy ng Diyos. Malinaw nitong ipinapakita na hangga’t ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ang may hawak ng kapangyarihan, sisirain nila ang iglesia. Hindi gagana ang iglesia kung wala ang mabubuting tao at iyong mga nagsasagawa sa katotohanan bilang mga lider at manggagawa—kung wala sila, magiging imposibleng makontrol ang sitwasyon! Kung ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ay hindi malilimitahan, walang magiging buhay iglesia, at ang normal na kaayusan ng iglesia ay ganap na masisira, magiging magulo. Ito ang resulta kapag hindi maayos na ginagawa ng mga lider at manggagawa ang mga gawain nila. Kung hindi magawa ng mga lider at manggagawa na tanggapin ang katotohanan, maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, o umasa sa Diyos, kung gayon ay hindi nila magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Hindi nila malulutas ang anumang problemang lumilitaw sa iglesia o malulutas ang anumang suliraning kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Magkakaroon ba ng magagandang resulta ang mga gayong lider at manggagawa kung sila ang may kapangyarihan? Ang magagawa lang nila ay magdulot ng kaguluhan sa iglesia—sa huli, ganito ang uri ng sitwasyong lumilitaw. Pagkatapos, nagiging walang buhay ang iglesiang ito, isang lugar kung saan si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan; nasisira at nagbabago ito. Hindi kikilalanin ng Diyos ang iglesiang ito, at hindi gagawa ang Banal na Espiritu rito. Ang gayong iglesia ay iglesia lang sa pangalan at dapat nang isara.
Paghihimay sa mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Batay sa Ikalabindalawang Responsabilidad
I. Ang mga Huwad na Lider ay may Mahinang Kakayahan at Hindi Magawang Tukuyin ang mga Problema ng mga Paggambala at Panggugulo
Ito ang mga gampaning kailangang gawin ng mga lider at manggagawa tulad ng nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad; hindi na tayo magbabahaginan tungkol sa anumang mas partikular na mga halimbawa ngayon. Ang tema ng pagbabahaginan ngayon ay ang ilantad ang mga partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider habang ginagampanan nila ang mga gampaning ito, at tukuyin kung aling mga pag-uugali ang sumasalamin sa diwa ng mga huwad na lider at maaaring iklasipika bilang gayon. Ito ang pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon. Una, ang hinihingi sa mga lider at manggagawa sa gawaing ito ay ang agarang pagtukoy sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ang agarang pagtukoy ay isang hinihinging pamantayan sa mga lider at manggagawa. Sa tuwing may nangyayari, sa sandaling may kaunting pahiwatig na may anumang mali, tulad ng mga senyales ng masasamang tao na nagsisimulang kumilos, o ng sinumang nagpapakita ng mga indikasyon ng pagdudulot ng problema, dapat maramdaman ito ng mga lider at manggagawa at maging alerto sila. Kung manhid sila at mapurol ang isip nila, magiging problema ito. Lalo na sa mga sitwasyong may masasamang taong nagdudulot ng mga panggugulo, sa sandaling magsimulang lumitaw ang isyung ito at hindi malinaw kung ano ang balak na gawin ng mga taong ito o kung ano ang susunod na mangyayari—ibig sabihin, kapag hindi pa makilatis ng mga lider at manggagawa ang usaping ito—hindi sila dapat kumilos nang bulag o alertuhin ang mga taong ito nang maaga para maiwasan ang maling paghuhusga. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan ng hindi pagkapansin o pagiging walang kamalayan sa sitwasyon. Sa halip, nangangahulugan ito ng paghihintay at pagmamasid para makita kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay at kung ano ang mga layunin, layon, at motibo ng mga taong ito. Ito ang gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Kapag ang sitwasyon ay umabot na sa isang partikular na antas, at nagsisimula nang magbulalas ng pagkanegatibo at magpakalat ng mga panlilinlang ang mga taong ito, na nagdudulot ng mga panggugulo sa hinirang na mga tao ng Diyos, dapat agarang kumilos ang mga lider at manggagawa. Dapat silang tumindig nang walang pag-aatubili para ilantad, himayin, at limitahan ang masasamang gawa ng mga indibidwal na ito, tinutulungan ang iba na matuto ng mga aral at makakilatis at malinaw na makakita sa masasamang tao. Ito ang proseso ng agaran at tumpak na pagtukoy sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo—ito ang ibig sabihin ng paggawa ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Ang pangunahing layon ng gawaing ito ay tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at pagkatapos ay agad na lutasin ang mga ito. Ito ang kayang makamit ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider sa gawaing ito? Paano natin mahihimay at makikilatis ang mga huwad na lider? Maliwanag, ang mga huwad na lider ay hindi kayang agaran at tumpak na matukoy ang mga panggugulong dulot ng masasamang tao sa gawain ng iglesia. Ito ang pinakamalinaw na isyu sa paggampan ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia—wala silang pagkilatis sa mga panggugulong dulot ng masasamang tao sa gawain ng iglesia. Bakit sinasabing hindi kaya ng mga huwad na lider na tukuyin ang mga problema o makilatis ang diwa ng mga ito? Ang mga kilos ng ilang tao ay malinaw na mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, pero hindi kayang makilatis o makita ng mga huwad na lider ang mga problema; bulag sila. Ang ilang tao ay nagbubulalas ng pagkanegatibo, nanlilihis, at nanggugulo sa iba sa iglesia. Ang iba ay bumubuo ng mga paksiyon, palihim na gumagawa ng mga kahina-hinalang kasunduan, madalas na hinuhusgahan ang mga partikular na indibidwal kapag nakatalikod ang mga ito. Ang iba naman ay walang habas na inaakit at nilalandi ang isa’t isa. Nagpapanggap ang mga huwad na lider na hindi nila nakikita ang mga bagay na ito; ganap na wala silang kamalayan kung gaano kalubha ng mga isyung ito at kung gaano karaming paghahangad sa katotohanan at paggampan sa tungkulin ng mga tao ang maaapektuhan kung hindi malulutas ang mga isyung ito, pati na rin kung ano ang mga kahihinatnan ng mga ito, kaya binabalewala nila ang mga ito. Kapag napapansin ng ilang tao ang mga isyu at iniuulat nila ang mga ito sa isang huwad na lider, maaaring sabihin ng huwad na lider, “Lahat naman sila ay mga kapatid—sino ba ang hindi nagpapakita ng katiwalian? Sino ba ang walang mga emosyon at pagnanais? Huwag basta-bastang husgahan at kondenahin ang iba!” Gaano man kakatawa-tawa, kabuktot, o kakontra sa katotohanan ang isang bagay sa iglesia, sadyang hindi ito nakikita ng isang huwad na lider. Ang ilang tao, sa mga pagtitipon, ay palaging nagsasalita nang negatibo, nagsasabi ng mga bagay na tulad ng, “Palagi nilang sinasabing malapit na ang araw ng Diyos—kailan ba talaga ito darating?” Hindi namamalayang naaapektuhan nito ang ilang kapatid, pero ano ang tugon ng huwad na lider? Itinuturing nila itong normal na kahinaan at hindi nila nakikitang ito ay pagbubulalas ng pagkanegatibo, panlilihis, at panggugulo sa iba. Malinaw na naaapektuhan ang ilang kapatid sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ayaw na nilang ipangaral ang ebanghelyo at hindi na sila positibo at aktibong lumalahok sa mga pagtitipon. Sa tuwing may pagtitipon, kailangan pa silang tawagin para dumalo. Pero hindi ito nakikita ng huwad na lider bilang isang problema. Hindi niya napapansin kung anong mga pagbabago ang nangyayari sa iglesia kapag lumilitaw ang problemang ito. Mekanikal lang siyang nagdaraos ng mga pagtitipon dahil iyon na ang nakagawian, hindi niya alam ang nangyayari sa likod ng mga eksena, ang mga pagbabago sa mga kalagayan ng mga tao, kung anong mga problema mayroon ang mga tao, kung sino ang nagdulot ng mga ito, kung sino ang mga pangunahing salarin, kung kanino nanggaling ang mga problema, at kung ano bang mga isyu ang kailangang lutasin—hindi nila makita ang anuman sa mga ito. Dahil ba wala siyang paningin kaya hindi niya makita ang mga bagay na ito? (Hindi.) Dahil may paningin naman siya, bakit kapag lumilitaw sa iglesia ang gayong malulubhang paggambala, panggugulo, at malilinaw na panlilinlang, hindi niya makita o matukoy ang mga ito? Malinaw na bulag at walang espirituwal na pang-unawa ang lider na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Bagama’t hindi nila matukoy ang mga problemang ito, kaya nilang basahin ang mga salita ng Diyos sa mga tao sa mga pagtitipon. Anuman ang pagkaunawa ng mga tao sa pagbabasa nila o nagbubunga man ito ng anumang resulta, patuloy pa rin silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Batay lang sa dahilang ito, maituturing na siyang isang mabuting lider.” Nakatutok lang siya sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos—kung hindi ito humahantong sa anumang resulta, hindi ba’t pagraos lang ito ng mga bagay-bagay? Kung hindi niya kayang lumutas ng mga problema, anong pakinabang ang makakamit ng mga tao mula sa mga pagtitipon? Kaya, isa bang huwad na lider ang lider na ito? (Oo.) Ang isang pagpapamalas ng isang huwad na lider kapag ginagampanan ang gawaing ito ay pagiging bulag. Bulag siya—gaano man kahalata ang problemang nasa mismong harapan niya o nangyayari sa paligid niya, hindi niya ito makita o matukoy. Sa panlabas, maaaring tila mas pinapahalagahan niya ang mga salita ng Diyos kaysa sa pangkaraniwang tao, pero hindi niya nauunawaan kung tungkol saan ang mga salita ng Diyos, kung sinong mga tao ang tinutukoy ng mga ito, o kung aling mga sitwasyon ang tinutugunan ng mga ito—hindi niya maiugnay ang mga salita ng Diyos sa totoong buhay. Kung gayon, ano ang pagkaunawang pinagbabahaginan niya? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Makakalutas ba ang mga ito ng mga totoong problema? (Hindi.) Kapag nangangaral siya, naglilitanya lang siya ng mga walang kabuluhang retorika, na para bang labis niyang nauunawaan ang katotohanan, pero hindi niya matukoy ang malilinaw na panggugulong idinulot ng masasamang tao sa iglesia, sa halip ay umaakto siya na parang walang nangyari. Ipinapakita ba nitong nauunawaan niya ang katotohanan at na may pagkilatis siya? May tunay ba siyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Kung kaya niyang basahin ang mga salita ng Diyos nang normal, bakit hindi niya magamit ang mga ito para tingnan at lutasin ang mga problema? Bakit hindi kailanman nagbubukas ang isipan niya kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos? Bakit wala siyang masigasig na puso kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos? Ano ang ugat ng isyung ito? Bakit bulag siya? Ano ang dahilan ng pagkabulag niya? (Dahil wala siyang kakayahang maarok ang salita ng Diyos at napakahina ng kakayahan niya.) Tama. Hindi dahil sa bulag ang mga mata niya, kundi ang puso niya ang bulag. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng bulag na puso? Ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng napakahinang kakayahan at kawalan ng kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos. Kahit gaano karaming salita ng Diyos ang basahin niya, nauunawaan lang niya ito sa isang mapagpaimbabaw na antas. Hindi niya ito maiugnay sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at sitwasyong lumilitaw sa iglesa, ni hindi niya matrato, mapangasiwaan, at malutas ang iba’t ibang problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ugat ng pagkabulag niya—mahina ang kakayahan niya at hindi niya kaya ang ganitong gawain. Samakatwid, gaano man siya magsipag sa pag-aaral at mahigpit na magsanay, at gaano man siya magsikap na gumawa para makabawi sa kawalan niya ng kakayahan, kaya ba niyang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Hindi. Labis na kaawa-awa ang mga taong ito. Gaano man niya sangkapan ang sarili niya ng mga salita at doktrina, hindi niya matupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o maisagawa ang gawaing ito.
Ngayon lang, pinagbahaginan natin ang isang pagpapamalas ng mga huwad na lider na ito, iyon ay na hindi nila nakikita na ang mga kilos ng masasamang tao at mga anticristo ay nagdudulot ng mga kaguluhan sa iglesia, ni hindi nila makilatis ang diwa ng masasamang tao at mga anticristo. Kapag nahaharap sila sa mga usapin kung saan nagdudulot ang masasamang tao ng mga paggambala at panggugulo, minsan ay maaaring mapansin nila ang kaunting pahiwatig, o, sa pamamagitan man ng kanilang karanasan, damdamin, o kutob, maaaring maramdaman lang nila na may hindi tama, na medyo hindi normal ang ekspresyon, tingin, at mga salita ng taong ito. Maaaring may kaunti silang maramdaman, pero hindi nila makilatis ang maraming bagay, at hindi nila natutukoy ang karamihan ng mga problema. Ano ang dahilan kung bakit hindi nila nakikilatis ang diwa ng mga problema? Sangkot dito ang isa pang isyu. Napakasipag nila, nananatili sa silid nila buong araw kakasulat ng mga sermon, gumagawa ng mga tala tungkol sa kanilang mga espirituwal na debosyon, isinusulat ang mga pagkaunawa at karanasan nila sa mga salita ng Diyos, nag-aaral ng mga himno, nagtatakda ng mga layon sa kung ilang beses silang magdarasal, gaano karaming mga salita ng Diyos ang babasahin, at kung gaano karaming mga sermon ang pakikinggan sa bawat araw, at kung ilang oras magsusulat ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan—tinatapos nila ang lahat ng gampaning ito, kaya bakit hindi pa rin nila makilatis ang mga bagay-bagay kapag nangyayari ang mga ito? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kaya lang nilang maglitanya ng mga salita at doktrina at hindi nila kayang lumutas ng mga aktuwal na problema. May ilang tao na palaging nagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang iba, at hindi ito makilatis ng mga huwad na lider. Bagama’t minsan ay nararamdaman nilang may mali, na maaaring may problema, dahil nakikita nilang hindi naman mukhang masama ang mga taong iyon, pinapalampas na lang nila ang isyu nang magulo ang isip nila. Hindi nila kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para makilatis ang mga gayong problema, at kahit nabasa na nila ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga kalagayan at diwa ng mga gayong tao, hindi nila alam kung paano iuugnay ang mga ito sa mga sitwasyong ito. Magulo ang isipan nila at hindi nila makilatis ang mga bagay na ito. Kapag gusto nilang maghanap, hindi nila alam kung paano ito ipapahayag. Matagal silang nagsasalita nang hindi naipapaliwanag ang diwa ng problema, at nang hindi malinaw na nailalarawan kung ano ang kabuuang mga pagpapamalas ng mga gayong tao, kung ano ang kanilang pagkatao, hangarin, pagganap ng mga tungkulin, at mga hangarin para gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, o kung ano ang saloobin nila sa katotohanan, at kung sila ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan. Hindi makilatis o malinaw na maipaliwanag ng mga huwad na lider ang mga usaping ito. Kahit nararamdaman nilang may problema, patuloy lang sila sa pagsasalita, kung ano-anong sinasabi, nang hindi naman nililinaw ang punto nila. Ang mga tagapakinig nila ay kailangang magawang kilatisin, kuhanin ang mahahalagang punto, at suriin ang mga salita nila para malaman ang mga tanong na itinatanong nila, ang pangkalahatang kalagayan ng taong inilalarawan nila, at sa huli, tukuyin ang diwa ng taong iyon—kung ito ba ay masama o mabuti, kung ito ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan o isang trabahador lang. Kapag hiniling mo sa isang huwad na lider na ilarawan ang isang isyu o magtanong, hindi niya kailanman malinaw na mailalarawan ang ugat at diwa ng isyu o ang pangunahing punto nito. Sa madaling salita, ang mga huwad na lider ay walang anumang partikular na saloobin sa mga problemang hindi nila makilatis, at para sa mga usaping may napapansin silang ilang pahiwatig, hindi pa rin nila makilatis ang diwa ng mga problemang ito. Kahit na nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagkakalat ng mga kuru-kuro ang ilang tao, na nagdudulot ng masamang epekto sa buhay iglesia, hindi nila ito makilatis. Hindi nila makilatis o matukoy ang diwa ng isang problema mula sa panlabas nito o mula sa panimulang yugto nito. Siyempre, hindi simpleng usapin ang makilatis ang diwa ng isang problema. Ang pinakamahalagang bagay sa gawain ng iglesia ay makilatis ang diwa ng iba’t ibang tao batay sa mga salita ng Diyos. Makakamit ito ng mga nakakaunawa sa katotohanan, pero hindi ito makakamit ng mga huwad na lider at huwad na manggagawa. Kapag nakikita nilang ginugulo ng mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi nila makilatis ang diwa ng problema at ipinagtatanggol pa nila ang mga anticristo, sinasabi nila, “Nagbubunyag lang sila ng ilang tiwaling disposisyon, at nagiging medyo mayabang, sutil, at basta-basta sila. Kaya pa rin nilang magtiis ng hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila. Kaya hindi natin sila dapat husgahan at kondenahin; hindi natin dapat palakihin ang isyu.” Tinatanong ng iba, “Kung kaya nilang magtiis ng hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Hinikayat, nilihis o inakit ba nila ang iba noong walang nakakakita? Itinaas at pinatotohanan ba nila ang sarili nila?” Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga usaping ito. May ilang tao pa nga na, sa likod ng pagpapanggap na nagpapatotoo sila sa Diyos, sinasadya nilang siraan at lapastanganin ang Diyos habang sinasadya ring magpakalat ng mga tsismis habang hinihimay at tinatalakay ang tungkol sa pagkilala sa sarili nilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Pagkarinig sa kanila, maaaring maramdaman ng mga huwad na lider na parang may mali sa sinabi nila, pero hindi nila makilatis kung gaano kaseryoso ang isyu, lalong hindi nila makita ang negatibong epekto at malulubhang kahihinatnang dulot ng mga salitang ito. Samakatwid, ganap na hindi napapansin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang paggambala at panggugulo na nangyayari sa mismong harapan nila, o kung mapansin man nila ang mga ito, hindi nila alam kung paano ilarawan ang mga ito o kung paano iuugnay ang mga salita ng Diyos sa mga sitwasyong ito. Nagiging magulo para sa kanila ang mga napakalinaw na usaping ito. Ang mga huwad na lider ay mga hangal. Sa iglesia, hindi nila makilatis kung sino ang mga tao na naghahangad sa katotohanan, at kung sino ang mga tunay na mananampalataya na kayang tumanggap sa katotohanan. Hindi nila makilatis kung sino ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan pero kaya pa ring magtrabaho, at karaniwang handang magbayad ng halaga at kumilos ayon sa mga prinsipyo, at medyo masunurin at mapagpasakop, kahit na paminsan-minsan ay nagsasabi ng ilang negatibong salita. Hindi rin nila makilatis kung sino ang mga tao na eksklusibong gumaganap ng mga negatibong papel, nagbubulalas ng pagkanegatibo at nanghuhusga ng iba, at palaging may mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga tuntunin at hinihingi hinggil sa lahat ng aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, nagkikimkim ng saloobin ng paglaban sa halip na pagtanggap, at pagiging partikular na walang paggalang sa mga bagay na ito, hanggang sa puntong hinuhusgahan pa ang mga ito. Sa madaling salita, hindi makilatis ng mga huwad na lider ang anumang klase ng mga tao. Ang mas malala pa, sa iglesia, may ilang tao na madalas na nagpapakalat ng mga kuru-kuro, nagbubulalas ng pagkanegatibo, at hindi man lang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon. Palagi silang bumubuo ng mga paksiyon, nakikisangkot sa selosan at alitan. Ang ilang tao ay palaging gustong maging lider, palaging gustong pagkakitaan ang iglesia, at palaging gustong kamkamin ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos. May ilang tao ring mukhang may mabubuting asal sa panlabas pero walang ginagampanang positibong papel sa mga tungkulin nila. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga negatibong karakter na ito at hindi nila maikategorya ang mga ito. Hindi nila makilatis kung anong landas ang tinatahak ng mga taong ito, kung ano ang diwa ng mga ito, at kung sila ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan. Hindi ba’t isa itong problema sa kakayahan ng mga huwad na lider? Napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider na ito. Nagiging napakagulo ng anumang ginagawa nila, at nawawala sa ayos ang anumang gawaing inaako nila.
Ang ilang tao ay ginagastos ang mga handog nang walang prinsipyo kapag bumibili sila ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, bumibili ng mga bagay-bagay nang basta-basta nang hindi humihingi ng pahintulot. Kapag nakita ito ng mga huwad na lider, sinasabi pa nila, “Kahit na gumastos sila ng medyo mas malaki, mabuti naman ang mga layunin nila. Kapag bumibili ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, dapat ang pinakamaganda ang bilhin natin; hindi ito pag-aaksaya ng pera. Hindi ba’t ganito dapat ginagamit ang mga handog?” May mga prinsipyo ba sa mga salita nila? (Wala.) Kaya, anong klaseng mga salita ang mga ito? Hindi ba’t magulo ang mga salitang ito? Ang mga salitang walang prinsipyo ay magugulong salita, at ang mga salitang walang batayan ay magugulong salita rin. May ilang tao na madalas magsalita ng mga salita at doktrina sa buhay iglesia; partikular na magaling silang magsalita, at nagsasalita ng may kaayusan na parang organisado, at nagtataglay sila ng napakahusay na kasanayan sa pagsasalita. Ano ang sinasabi ng mga huwad na lider tungkol sa mga gayong tao? “Ang buhay iglesia natin ay lubos na nakasalalay kay Ganito-at-ganyan. Siya ang pinakamagaling magsalita at ang may pinakamalaking pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kung wala siya, magiging sobrang nakakabugnot at nakakabagot ng buhay iglesia natin.” Hindi nila alam na puro salita at doktrina lang ang sinasabi ng mga taong ito. Kahit gaano pa makinig ang isang tao sa mga taong ito, wala siyang makakamit na anumang pagpapatibay, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, o malalaman kung paano iuugnay ang katotohanan sa sarili niya para maunawaan ang sarili niyang kalagayan at malutas ang mga problema niya. Dahil sa papuri at pang-uudyok ng mga huwad na lider, ang mga taong nagsasalita ng mga salita at doktrina, mahilig na maging sentro ng atensiyon, at kahit ang mga taong madalas na lumihis sa paksa sa kanilang mga pananalita, naglilitanya sa bawat pagtitipon tungkol sa mga labis-labis, walang katuturan at malawak na paksa, ay pawang binibigyan ng pagkakataon na gumanap. Hindi sila makilatis ng mga huwad na lider at itinuturing pa nga silang mahuhusay na tao, pinupuri sila sa pamamagitan ng pagsasabing, “Napakagaling mong magsalita; bakit hindi ka magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan? Sayang naman!” Sa iglesia, iyong mga estudyante sa unibersidad, mga propesor, at mga intelektuwal ay itinuturing na kayamanan ng mga huwad na lider. Sinasabi nila, “Mahuhusay ang talento ng mga intelektuwal at propesor na ito. May malawak silang karanasan at kilala sila sa lipunan. Kung magiging lider at manggagawa sila sa iglesia, mas maraming gawain ang matatapos, at higit na makikinabang at mas maraming makakamit ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sa hinaharap, magiging lubos na nakasalalay sa kanila ang gawain ng iglesia. Sa pangunguna ng mga intelektuwal na ito sa atin, ang pananalig natin sa Diyos ay tiyak na magdadala ng mga pagpapala.” Samakatwid, sa mga iglesia kung saan may mga huwad na lider, iyong mga may katayuan sa lipunan, maraming kaalaman, magaling magsalita, iyong mga nagsasalita nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina, iyong mga may katanyagan, at iba pa—lahat ng taong ito na walang anumang katotohanang realidad—ang may nangingibabaw na posisyon sa iglesia at tinatrato ng mga huwad na lider bilang mga pangunahing puwersa at maging bilang mga diumano’y haligi ng iglesia. Kapag may nangyayari sa iglesia, sinasabi ng mga huwad na lider, “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; CEO siya dati ng isang kompanya,” o “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; propesor siya dati sa Ganito-at-ganyang unibersidad,” o “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; siya ang nangungunang abogado dati sa isang law firm.” Itinuturing ng mga huwad na lider ang mga taong ito bilang mga haligi at pangunahing puwersa ng iglesia. Pwede bang maging maayos ang buhay iglesia sa gayong mga sitwasyon? (Hindi.) Kaya, ano ang resulta? Ang kung tawagi’y pangunahing mga puwersa at haliging ito ay palihim o lantarang naglalabanan para sa katayuan at bumubuo ng mga paksiyon, at madalas na nagpapakalat ng mga mga kuru-kuro at tsismis. Ang mga kapatid sa iglesia na mga totoong mananampalataya, nagmamahal sa katotohanan, kayang tanggapin ang katotohanan, at may dalisay na pagkaarok sa katotohanan ay madalas nilang binubukod at sinusupil. Ang mga diumano’y kilalang personalidad na ito sa lipunan, sa paggawa man ng mga tungkulin nila o pag-ako ng anumang gawain, ay walang katapatan at hindi kailanman kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ganap silang sumusunod sa mga gawi ng sekular na lipunan. Samakatwid, sa gayong iglesia, ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan, ang mga may dalisay na pagkaarok, at ang mga may kaunting pagkatao at may pagpapahalaga sa katarungan, ay walang puwang para magsalita, walang karapatang magsalita, at tiyak na walang karapatang gumawa ng mga desisyon. Ano man ang mangyari sa iglesia, ang mga palaging nagdedesisyon sa huli ay ang grupong ito ng mga diumano’y pangunahing miyembro. Iniidolo at bulag na pinaniniwalaan ng mga huwad na lider ang mga taong ito, kaya sa huli, umaasa sila sa mga ito para sa mga solusyon tuwing may nangyayari. Kung ang mga taong ito ay naghangad sa katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magiging mabuting bagay ito. Gayumpaman, karamihan sa mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan. May kaunti silang kaalaman at edukasyon, may katayuan sila sa lipunan, at bukod pa roon, may mapanlinlang at mapaminsala silang pagkatao, at magaling silang magsalita at mahusay manlihis ng ibang tao. Ito mismo ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano ang resulta ng pag-asa ng mga huwad na lider sa mga taong ito? Ganap nilang sinisira ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia, at sinisira nila ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, na nagiging dahilan para tuluyang mawala ang patotoo ng iglesia. May ilang huwad na lider na umaasa na magkaroon ng isang kilalang tao sa iglesia na nakakaunawa sa politika at mga kasalukuyang kaganapan, iniisip nila, “Kung may gayong tao na makapagpapalawak sa saklaw ng iglesia, magpapalakas ng impluwensiya nito, at magpapaganda ng reputasyon nito, magkakaroon ng pag-asa ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Talagang dapat ipagdiwang iyon kapag nagkagayon!” Sa mga iglesiang kontrolado ng mga huwad na lider, sa panahon ng buhay iglesia, may ilang taong mahilig magtalakay nang husto tungkol sa politika, mga kasalukuyang kaganapan, pandaigdigang kalagayan, at mga pambansang usapin; pinag-uusapan nila ang mga pribadong buhay ng mga kilalang personalidad sa politika at sinusuri pa nga nila ang mga teorya ng pagsasabwatan at mga lantad na plano ng mga personalidad sa politika na ito sa malinaw at lohikal na paraan. Sinasabi ng mga huwad na lider na naglalaway sa inggit, “Sa wakas, may kilalang tao na sa iglesia natin na makakatulong na mapanatili ang reputasyon natin! Dati, palagi akong nadidismaya, napanghihinaan ng loob, at hindi ako makapagmalaki, dahil walang ganitong kilalang tao sa iglesia natin. Pero ngayon, may gayong tao na sa iglesia natin. Kaya, dapat nating hayaan ang taong ito na gawin ang anumang gusto niya at sabihin ang anumang gusto niya, at bigyan siya ng kalayaan. Hindi ba’t itinataguyod ng sambahayan ng Diyos ang kalayaan at karapatang pantao? Hindi ba’t binibigyang-diin ng Kapanahunan ng Kaharian ang karapatang pantao?” Tinatrato ng mga huwad na lider ang mga mahilig magsalita tungkol sa politika at magkomento sa mga kilalang tao, na madalas na maglitanya tungkol sa matatayog, walang kabuluhang ideya sa gitna ng mga tao, bilang mga di-pangkaraniwang kayamanan at gusto nilang linangin ang mga ito bilang mga haligi at pangunahing puwersa ng iglesia. Kaya, madalas nilang hinihikayat at pinupuri ang mga ito, takot na makakaapekto sa gawain ng iglesia kung magiging negatibo ang mga ito. Sa madaling salita, manhid at bulag ang mga huwad na lider na ito. Hindi nila kaagad na matukoy ang iba’t ibang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Kahit pa matukoy nila ang mga ito, hindi nila makilatis ang diwa ng masasamang tao. Ni hindi nila makilatis kahit ang halatang masasamang tao na nasa kategorya ng mga anticristo, tulad ng mga bumubuo ng mga paksiyon at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian. Kapag nakikita nila ang mga anticristo na bumubuo ng mga paksiyon, nagpapasikat, at ginagawa ang anumang gusto ng mga ito gamit ang napakalaking kapangyarihang hawak ng mga ito, paano sinusuri ng mga huwad na lider ang mga ito? “Pambihira ang taong ito, talagang kahanga-hanga siya! Hindi ko napansin ang mahusay na taong ito dati; mas mahusay siya kaysa sa akin, talagang napapahiya ako sa kanya. Tingnan mo ang mga kakayahan niya—kaya niyang akuin ang mga bagay at bitiwan ang mga bagay, magsalita nang may dignidad, at pinaninindigan niya ang salita niya. Samantalang ako, wala akong silbi; para akong isang mahiyain na batang babae.” Labis nilang hinahangaan ang mga anticristo, yumuyukod sa mga ito, at kusang-loob silang nagiging tagasunod ng mga ito. Ang isang katangian ng gayong pagpapamalas ng mga huwad na lider ay ang pagiging bulag, at ang isa pa ay ang pagiging manhid. Sa kabuuan, ang diwa ng problemang ito sa mga huwad na lider ay ang mahinang kakayahan.
May mga mata ang mga tao para makita nila ang mga bagay. Pagkatapos makita ng isang tao ang isang bagay, tutugon at huhusga ang isipan niya, at matapos niyang makabuo ng isang panghuhusga, magkakaroon siya ng pananaw at magkakamit ng landas ng pagsasagawa. Pinapatunayan nito na hindi siya bulag—anuman ang makita niya, may normal siyang reaksiyon at alam niya kung paano harapin at pangasiwaan ito. Isa itong tao na may normal na pag-iisip. Ang mga tao ay may proseso ng pagtugon sa kung ano ang nakikita nila; pagninilayan at pag-iisipan nila ito sa mas mataas o mas mababang antas. Habang tumatakbo ang isipan nila, unti-unting nabubuo sa isipan nila ang larawan ng bagay na iyon, at nagkakaroon sila ng sariling mga pananaw, saloobin, at pamamaraan. Kaya, ano ang paunang kondisyon para mabuo ang mga ito? Dapat makakita ng mga bagay ang mga mata ng tao, pagkatapos ay maipadala ang nakalap na impormasyon sa utak at isipan nila para mapagnilay-nilayan. Kung nakikita ng isang tao ang mga bagay gamit ang mga mata niya, hindi siya bulag, at makakapag-isip at makakapagnilay-nilay, magkakaroon siya ng kamalayan, mga saloobin, at mga pananaw, at sa huli ay makakabuo siya ng mga tamang kongklusyon. Siyempre, ang pagbuo ng mga kongklusyong ito ay nangangailangan ng ilang panahon. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng kamalayan, mga pananaw, at mga saloobin bago mabuo ang mga kongklusyong ito? Nangangahulugan ito na ang isipan ng isang tao ay aktibo, hindi manhid, na nagpapatunay na ang taong ito ay buhay, hindi patay. Mahina ang kakayahan ng mga huwad na lider. Sa anong mga paraan ito mahina? Wala ang dalawang katangiang ito sa mga huwad na lider. Bukas ang mga mata nila pero hindi nila nakikita na nangyayari o nagaganap ang mga bagay-bagay, na siyang pagiging bulag. Bukod dito, kapag nakikita nila ang mga bagay-bagay, walang reaksiyon ang isipan nila, hindi sila nakakabuo ng mga pananaw o kaisipan, at wala silang mga paraan o tamang gawi para manghusga at sa gayon ay bumuo ng mga kongklusyon. Ito ay pagiging manhid sa espiritu. Walang nakikilatis ang mga taong manhid sa espiritu, wala silang mga tamang pagsusuri o mga tumpak na panghuhusga, at sa huli, hindi sila makabuo ng mga tamang kongklusyon, at hindi nila alam kung paano harapin, pangasiwaan, o lutasin ang mga kasalukuyang usapin. Ito ay pagiging manhid at mapurol ang utak. Kapag ang isang tao ay manhid at mapurol ang utak sa espiritu niya na wala man lang siyang reaksiyon kapag may nangyayari, ito ay pagiging patay—ito ang eksaktong paglalarawan sa sitwasyon. Isantabi muna natin kung ang mga huwad na lider ay talagang patay, at sabihin na lang muna natin na mahina ang kakayahan nila. Gaano ba ito kahina? Kahit gaano kahalaga ang isang pangyayari, hindi nila ito makita, at kahit makita man nila ito, hindi nila ito makilatis. Halimbawa, gaano man katagal nang gumagawa ang mga huwad na lider, hindi sila makabuo ng mga kongklusyon tungkol sa kung ano ang diwa ng isang usapin, paano ito ikakategorya, paano ito tutukuyin, o ano ang batayan ng kahulugan nito; hindi nila alam kung paano suriin ang mga bagay na ito, at wala silang mga pamantayan o prinsipyo sa pagsusuri ng mga ito. Sila ay mga taong magulo ang isip na walang espirituwal na pagkaunawa. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider sa unang gampanin. Sila ay bulag, tunggak, hangal, at manhid, pero gusto pa rin nilang maging lider. Hindi ba’t pag-aantala ito sa mga bagay-bagay? Hindi ba’t labis itong nakakagulo? Kung ang isang tao ay hindi pa kailanman nakapaglingkod bilang isang lider, at kung unang pagkakataon pa lang niya nakakaharap ang isang bagay, at ang usaping ito ay hindi nabanggit sa mga salita ng Diyos at hindi nalalaman ng mga tao—ibig sabihin, kung wala siyang karanasan o kaalaman tungkol sa usaping ito—sa mga gayong sitwasyon, mangangailangan ng ilang panahon para makabuo ng mga tamang kabatiran, saloobin, at pananaw ang taong iyon. Pero bakit sinasabing manhid at bulag ang mga huwad na lider? Ito ay dahil napakarami Ko nang sinabing salita, pero gaano Ko man ilantad at himayin ang mga bagay, o gaano man karaming halimbawa ang ibigay Ko, nalalaman lang ng mga huwad na lider ang tungkol sa mga usapin pagkatapos na marinig ang mga salita Ko, pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo mula sa mga ito. Bukod pa rito, habang mas nagsasalita Ako, mas lalo silang nalilito. Sinasabi nila, “Sa dami ng mga usapin, mga salita, mga kuwento, sino ang makakaalala sa lahat ng ito at makakapag-ugnay ng mga ito sa tunay na buhay? Huwag mong masyadong damihan ang sinasabi Mo, nahihirapan akong intindihin at unawain ang lahat ng ito. Sabihin mo lang sa akin kung paano pangasiwaan ang taong ito: Dapat ba siyang patalsikin o panatilihin?” Hindi ba’t pagiging manhid ito? Ito ay sukdulang pagkamanhid! Sa katunayan, ang pagsasabing manhid sila ay pagbibigay sa kanila ng kaunting luwag, dahil maaaring bata pa ang taong ito, o marahil ay hindi siya edukado, o baka naman matangdang-matanda na siya at medyo magulo na ang isip niya—ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay pagsasaalang-alang sa pagpapahalaga niya sa sarili. Pero sa katunayan, ito ay mahinang kakayahan at kawalan ng kakayahan na maarok ang katotohanan. Nagiging malinaw ito dahil sa paliwanag na ito.
Kung lumitaw sa iglesia ang malulubhang paggambala at panggugulo at hindi makilatis ng mga huwad na lider ang diwa ng mga problemang ito, may kakayahan ba sila para sa gawain ng isang lider? Mapoprotektahan ba ang mga kapatid sa ilalim ng pamumuno nila? Mapoprotektahan at mapapanatili ba ang gawain ng iglesia, ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia? Ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat makamit ng mga lider at manggagawa. Makakamit ba ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito? Hindi. Ni hindi nila matukoy o makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, kaya paano sila makakapagpatuloy sa mga susunod na hakbang ng gawain nila? Ni hindi nila makilatis ang mga pinakapangunahing bagay, tulad ng kung ano ang isang mabuting tao, ang isang masamang tao, ano ang isang mapanlinlang na tao, o ano ang isang mapagpaimbabaw na tao—paano nila mapapangasiwaan ang gawain ng iglesia? Hindi nila ito kaya. Hindi sa sinasadya nilang hindi gumawa ng totoong gawain, o dahil na tamad sila at nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan; sadyang mahina ang kakayahan nila at wala silang kakayahang gawin ang gawain nila. Ito ang diwa ng problema. Ang mga taong may napakahinang kakayahan ay kaya lang maglitanya ng mga salita at doktrina, at sumunod sa mga regulasyon; sa panahon ng mga pagtitipon, kaya lang nilang himukin at payuhan ang iba, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Manampalataya sa Diyos nang maayos! Paano mo naaatim na magpakasasa sa kaginhawaan ng laman sa ganitong panahon? Paano mo pa naaatim na mag-imbot ng pera at mga makamundong bagay? Siguradong nadudurog ang puso ng Diyos!” Kaya lang nilang magsermon nang ganito. Kapag lumilitaw ang iba’t ibang masamang gawa tulad ng mga paggambala, panggugulo, o pagbubulalas ng pagkanegatibo, hindi nila makita o matukoy ang mga ito. Gusto ng mga kapatid na mamuhay ng normal na buhay iglesia pero hindi nila magawa, at gusto nilang magkaroon ng angkop na kapaligiran para gawin ang mga tungkulin nila pero hindi nila ito kayang gawin. Hindi malutas ng mga huwad na lider ang mga problemang ito, kaya ano pa ang silbi nila? Gusto ng mga kapatid na mamuhay ng buhay iglesia, maunawaan ang katotohanan at lutasin ang mga paghihirap at negatibong kalagayan nila. Sabik silang umaasang magagawa ng mga lider at manggagawa na makipagbahaginan nang malinaw at lubusan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga tunay na isyung ito. Kung ang isang iglesia ay pinamumunuan ng mga huwad na lider, malulutas ba ang mga tunay na isyung ito? Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang puso ng hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi nila nakikita ang mga paghihirap ng mga ito. Sa halip, patuloy silang nagsasabi ng mga salita at doktrina at naglilitanya tungkol sa mga matayog, walang kabuluhang ideya, na nagdudulot ng labis na pagkadismaya sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sino pa ang gugustuhing regular na dumalo sa mga pagtitipon? Magagawa ba ng mga huwad na lider na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at alisin sa iglesia ang masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga oportunista, at malalanding tao na buktot at nagmamahal sa mga makamundong bagay, at alisin sila mula sa iglesia nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, pigilan ang mga ito na makialam at manggulo sa hinirang na mga tao ng Diyos, at tulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na mamuhay ng normal na buhay iglesia? Kaya ba itong makamit ng mga huwad na lider? Hindi. Kapag may humihiling sa kanila ng gayon, ano ang sinasabi ng mga huwad na lider “Napakaarte mo naman! Akala mo ba ikaw lang ang nagmamahal sa Diyos at nais maging tapat sa pagtupad ng tungkulin? Sino ba ang ayaw niyon? Nananampalataya rin sila sa Diyos at hinirang din sila ng Diyos. Bagama’t may kaunti silang problema, dapat natin silang tratuhin nang tama. Huwag laging maghanap ng mali sa iba. Gamitin mo ang pagkakataon para mas pagnilayan at kilalanin ang sarili; dapat kang matutong maging mapagparaya at mapagpasensiya.” Ang mga huwad na lider ay magulo ang isip at bulag, at wala silang mga prinsipyo sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang klase ng tao. Hindi nila makilatis ang mga dapat limitahan o paalisin, sa halip ay hinahayaan nila ang mga taong ito na gumagawa ng anumang gusto ng mga ito at kumikilos na parang mga tirano sa iglesia, binibigyan ang mga ito ng malaking puwang para makakilos, na nakakagulo sa iglesia, hanggang sa puntong ang antas ng dibersidad sa ilang iglesia ay mailalarawan na sa iisang parirala: Talagang halo-halo na sila. Halo-halo sa mga iglesiang ito ang masasamang tao, mga hindi mananampalataya, malalandi, mga lokal na tirano, at maging ang ilan na ipagkakanulo ang iglesia at mga kapatid kapag naharap sa napakaliit na panganib. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga taong ito, at hindi nila pinapangasiwaan o hinaharap ang mga ito. Samakatwid, sa ilalim ng pamumuno ng mga gayong bulag at manhid na lider, hindi mapoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, at tiyak na hindi mapapanatili ang gawain ng iglesia at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan at handang tanggapin ang katotohanan, paano nila mauunawaan at makakamit ang katotohanan sa gayong halo-halong buhay iglesia? Hindi ba’t masasaktan ang puso ng mga taong iyon? Kung hindi kayang maayos na pangalagaan ng isang lider ang gawain ng iglesia, ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, o ang mga kapaligiran para magawa ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, o tiyakin ang seguridad ng mga bagay na ito, kung gayon, walang dudang huwad na lider nga ang lider na ito. Bakit siya tinatawag na huwad na lider? Dahil bulag at manhid siya, na humahantong sa paulit-ulit na paglitaw ng paggambala at panggugulo ng masasamang tao sa gawain ng iglesia; higit pa rito, kahit may mga kahihinatnan na ito, hindi pa rin nila kayang pangasiwaan at lutasin ang mga isyu nang agaran at tumpak, ni hindi nila mapangalagaan nang wasto ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia ng mga kapatid. Sa banayad na pananalita, walang kakayahan ang mga gayong lider sa mga tungkulin nila; sa tumpak na pananalita, lubha silang nabibigo sa mga tungkulin nila. Bagama’t naglilingkod sila bilang mga lider, pinoprotektahan nila ang mga interes ng masasamang tao at ng mga alipores ni Satanas, habang ipinagsasawalang-bahala ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Pinagtatanggol at hinahayaan nila ang masasamang taong iyon na nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, kahit na napipinsala ang mga kapatid bilang kapalit. Bagama’t, batay sa kakayahan at mga pagpapamalas nila, mahina lang ang kakayahan nila at wala silang kakayahan sa gawain nila, at hindi matutukoy bilang mga anticristo, malubha ang mga kahihinatnan ng mga kilos nila sa gawain ng iglesia. Ang kalikasan ng mga kilos nila ay katulad ng sa mga anticristong nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian at nang-aapi ng mga kapatid. Kapwa pinoprotektahan at hinahayaan ng mga ito ang masasamang tao, at hinahayaan ng mga ito ang mga alipores ni Satanas na gumagawa ng anumang gusto nila sa iglesia. Ang pagkakaiba lang, ang mga huwad na lider ay hindi lantaran at garapalang gumagawa ng kasamaan at nanggugulo sa gawain ng iglesia gaya ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila sinasadyang kuhain ang loob ng mga tao at pasunurin ang mga ito, pero ang nagiging resulta ay pareho sa mga anticristong nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian. Parehong nauuwi ang mga ito sa pagkapinsala at pagkasira ng mga kapatid na nagmamahal sa katotohanan at sinserong gumagampan sa mga tungkulin nila, at nawawalan sila ng paraan para mamuhay. Sa gayong kapaligiran at buhay iglesia, napakahirap para sa mga kapatid na sinserong gumagawa ng mga tungkulin nila na makausad sa buhay nila, at napakahirap para sa kanila na gawin nang normal ang mga tungkulin nila. Natural, ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo at iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia ay labis ding nahahadlangan at hindi magawang normal na umunlad. Ito ang unang pagpapamalas ng mga huwad na lider na hinihimay natin kaugnay ng ikalabindalawang responsabilidad—ang hindi napapansin at hindi nagagawang kilatisin ang mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw sa paligid nila. Ang pagpapamalas na ito ay sapat na para matukoy ang mga gayong tao bilang mga huwad na lider.
II. Hindi Pinapangasiwaan ng mga Huwad na Lider ang mga Taong Nanggagambala at Nanggugulo sa Gawain ng Iglesia nang Ayon sa mga Prinsipyo
Tungkol sa ikalawang gampaning nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ilalantad at hihimayin natin ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider. Ang ikalawang gampanin ay na dapat gamitin ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyo para agad na malutas ang mga isyu kapag natukoy na ang mga ito. Gayumpaman, wala ring kakayahan ang mga huwad na lider sa gampaning ito. Samakatwid, ang ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider na hihimayin natin ay na hindi nila alam ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia. Kapag nakikilahok sa buhay iglesia ang mga huwad na lider, kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos at dinarasal-binabasa nila ang mga salita ng Diyos, pero hindi nila kailanman nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman naaarok ang mga prinsipyo ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at hindi nila alam ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang usapin. Lalo nitong pinatutunayan na ang mga huwad na lider ay walang kakayahang maarok ang katotohanan at na napakahina ng kakayahan nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano mo nasasabing mahina ang kakayahan nila? Magaling silang magluto, magara manamit, at kaaya-ayang magsalita kapag nakikisalamuha sa iba; gusto silang pakinggan ng lahat.” Maipapakita ba ng panlabas na anyo ng isang tao ang diwa niya? Ang kakayahan ba nilang magawa nang mahusay ang ilang panlabas na bagay ay nangangahulugang mahusay ang kakayahan nila? Para suriin, sukatin, at tukuyin ang anumang bagay, palaging kailangan ng tumpak na pamantayan. Para masukat ang kakayahan ng isang tao, ang pamantayan ay kung dalisay ang pagkaarok niya sa mga salita ng Diyos. Ang pagsasabing mahina ang kakayahan ng mga taong ito ay pangunahing tumutukoy sa kawalan nila ng kakayahang maarok ang katotohanan. Sinusukat natin ang kakayahan ng isang tao batay sa kakayahan niyang maarok ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t napakaobhetibo at patas nito? (Oo.) Bilang isang nilikha, kung hindi mo maunawaan ang mga salita ng Lumikha, anong kakayahan ang mayroon ka? Gumagana ba ang utak mo? Ang gayong tao ay walang kakayahan bilang tao; napakahina ng kakayahan niya hanggang sa puntong hindi man lang niya maunawaan ang mga salita ng Diyos—makakamit ba ng gayong tao ang katotohanan bilang isang mananampalataya sa Diyos?
Ngayon, pagbabahaginan at hihimayin natin ang ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Hindi alam ng mga huwad na lider kung paano pangasiwaan ang mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at hindi nila kayang makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sapat na ito para ipakita na ang mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan,walang abilidad na maarok ang katotohanan, at walang kakayahan na maarok ang mga salita ng Diyos. Halimbawa, may isang tao na palaging tutol sa sinumang nasa pamunuan. Napapansin din ng mga huwad na lider na may problema ang taong ito at nadarama nila na isa itong masamang tao at anticristo. Nakakakita sila ng ilang pahiwatig tungkol sa mga bagay-bagay, na hindi na rin masyadong masama. Pero kung tatanungin mo sila, “Bakit mo nasabing tila isa siyang anticristo at masamang tao? May mga partikular bang pagpapamalas bilang ebidensiya? Matutukoy mo ba na isa siyang anticristo o masamang tao dahil lang sa palagi siyang tutol sa kung sinuman ang lider? Hindi iyon sapat para tukuyin siya; usapin lang ito ng disposisyon, isang problema ng kayabangan at pagiging mapagmatuwid. May kalikasan ba siya ng isang anticristo? Isa ba siyang tao na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan? Ginulo ba niya ang gawain ng iglesia? Kinondena ba niya ang lahat ng lider at manggagawa bilang mga huwad na lider at anticristo? Ginawa ba niya ang alinman sa mga ito?” tumutugon sila, “Parang oo.” Kung tatanungin mo pa, “Paano natin siya dapat tukuyin at pangasiwaan kung gayon?” sasabihin nila na hindi nila alam. Kung itatanong mo, “Para sa ganitong klase ng tao, dapat ba natin siyang bigyan ng mga babala, at ilantad siya para matulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkilatis?” hindi pa rin nila alam. Isa itong halimbawa ng pagiging walang kaalam-alam at kawalan ng kakayahang makilatis ang anumang bagay. Kaya nilang mapansin ang ilang pahiwatig pero hindi nila alam kung paano tukuyin o pangasiwaan ang mga gayong tao nang ayon sa mga prinsipyo. Kaya ba nilang lutasin ang mga tunay na problema? Kaya ba nilang tulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matuto ng mga aral? Dahil masasamang tao at mga anticristo ang mga gayong indibidwal, mapapatalsik sila sa malao’t madali. Gayumpaman, kung paaalisin o ihihiwalay mo sila bago pa man sila gumawa ng masasamang gawa, magpapahayag sila ng pagtutol, at hindi mauunawaan ng mga kapatid kung bakit mo ginawa iyon. Samakatwid, kailangang hayaan silang gumanap sa loob ng ilang panahon. Kapag mas nahahalata na ang masasamang gawa nila, at nagsisimula na silang magpakalat ng mga tsismis at panlilinlang, nanlilihis at sinusubukan nilang makuha ang loob ng mga kapatid, nakikipag-agawan sa kapangyarihan at impluwensiya, nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian, at sinusubukang sirain ang gawain ng iglesia, malinaw na matutukoy ng karamihan ng tao ang kalikasang diwa nila, at natural na magagawa nilang manindigan para ilantad, kilatisin, at tanggihan ang mga ito. Pagkatapos, maaari mo silang paalisin at pangasiwaan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ganitong paggawa lang ang makakatulong sa mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis. Kaya ba ng mga huwad na lider na pangasiwaan at lutasin ang mga problema sa ganitong paraan? Walang ganitong kakayahan at karunungan ang mga huwad na lider. May nakikita ba kayong sinumang huwad na lider na agad na napapangasiwaan ang masasamang tao at mga anticristo? Wala kahit isa. Samakatwid, tiyak na hindi poprotektahan ng mga huwad na lider ang mga kapatid mula sa mga panggugulo ng masasamang tao at sa panlilihis ng mga anticristo. Bukod sa nabibigo ang karamihan ng huwad na lider na kilalanin ang sarili nila matapos silang matanggal, nagrereklamo rin sila nang husto, naghihimutok na hindi patas sa kanila ang sambahayan ng Diyos, sinasabi nila na ito ay katulad ng “pagpatay sa buriko matapos alisin ang gilingan,” sinasabi nila na nagsikap sila pero hindi sila pinahalagahan at na inagrabyado sila. Kung ilalantad mo sila bilang mga huwad na lider, nananatili silang tutol, iniisip nila: “Naglingkod ako bilang lider sa loob ng ilang taon; kahit wala akong mga nakamit, nagtiis naman ako ng hirap kahit papaano. Bakit ako tinanggal? Ito ay parang pagpatay sa buriko matapos alisin ang gilingan!” Kahit paano mo sila ilantad, nananatili silang tutol. Sinasabi pa nila, “Sa tuwing nakakatuklas ako ng isang anticristo, labis akong nababalisa na madalas akong nagkakaroon ng singaw sa bibig at hindi ako makatulog nang maayos. Paano ako magkakaroon ng gayong pasanin kung isa akong huwad na lider?” Wala silang ginawa sa anuman sa mga kinakailangang gawain, wala silang kakayahang gawin ang anuman sa mga ito, at ni hindi nila alam kung ano ang gagawin, pero nagagawa pa rin nilang hangaan ang sarili nila. Hindi ba’t nakakayamot ito? Napakakasuklam-suklam niyon!
Tungkol sa iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia, malinaw na alam ng mga huwad na lider na ang mga ito ay may kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, pero binabalewala nila ang mga ito. Kapag nakakakita sila ng malinaw na mga problema, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay-bagay at hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang kritikal na diwa ng mga isyu. Gumagawa lang sila ng mga pahiwatig at nagbibigay ng mga payo sa pamamagitan ng pangangaral ng doktrina nang hindi makabuluhang tinutugunan ang mga isyu, at iyon na iyon. Kapag nahaharap sa masasamang tao at mga anticristo, hindi nila alam ang gagawin, nagpapakita ng saloobin ng kawalang pakialam na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Hindi nila alam ang pinakaangkop na paraan para tratuhin ang mga isyung ito, hindi nila alam kung ano ang sasabihin para lutasin ang mga problema, hindi nila alam kung paano protektahan ang mga kapatid, at wala silang anumang pasanin. Ang mayroon lang sila ay kaunting mabuting kalooban: “Alam ko na isa kang masamang tao. Hindi ko hahayaang guluhin at pinsalain mo ang mga kapatid. Habang ako ay nasa posisyong ito, dapat kong protektahan ang mga kapatid at tuparin ang responsabilidad ko hanggang sa huli.” Ano ang silbi nito? Nalutas mo ba ang problema? Habang abala ka sa pagiging balisa, mananatili bang walang ginagawa ang mga anticristo? Titigil ba sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia? Kapag nakita nila na isa kang walang silbi at duwag na lider, isang taong walang kwenta na walang karunungan at tiyak na walang kakayahan sa gawain, hindi ka talaga nila seseryosohin. Labis na tuso at mapaminsala ang karamihan sa mga anticristo at masamang tao. Nililihis at ginugulo nila ang mga kapatid, at wala kang magawa para pigilan o limitahan sila. Hindi mo rin alam kung kanino hihingi ng tulong para lutasin ang mga isyu; nababalisa ka lang at hindi mapakali, at umiiyak habang nagdarasal. Labis kang kaawa-awang tingnan, parang labis mong isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at labis kang nagmamalasakit sa mga kapatid. Pero kahit ang mga halatang masamang tao tulad ng mga anticristo, hindi mo sila matugunan. Hindi mo mahimay ang mga kilos at asal ng mga anticristo nang ayon sa katotohanan, ni hindi mo kayang ilantad sa publiko ang mga layunin, motibo, at asal ng mga anticristo para matulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis. Hindi mo magawa ang alinman sa mga bagay na ito. Sinasabi pa ng ilang huwad na lider, “Walang dapat maglantad sa mga anticristo. Kung malalaman ng mga kapatid na mga anticristo sila at iiwasan sila, maghihiganti ang mga anticristo.” Hindi ba’t ito ay pagiging walang silbing duwag? Kaya ba ng mga gayong tao na pangasiwaan ang gawain ng iglesia? Kaya ba nilang protektahan ang mga kapatid para makapamuhay ang mga ito ng normal na buhay iglesia? Anong uri ng pamamaraan ng paglutas ng problema ito? Kapag walang nangyayari, kaya nilang mangaral ng mga doktrina nang walang katapusan, pero kapag may nangyayari, nalilito at naguguluhan sila, naiiyak na lang. Hindi ba’t sila ay mga walang silbing duwag? Habang nakikita nila ang mga kapatid na inililihis ng mga anticristo at nagugulo ng masasamang tao, nalilito sila, wala silang magawa. Ni hindi nila alam kung paano gawin ang pinakapangunahing bagay na makipagkaisa sa mga kapatid sa iglesia na medyo may pagpapahalaga sa katarungan, nagtataglay ng pagkatao, at kayang tanggapin ang katotohanan para sama-samang pagbahaginan, gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problemang ito, at ilantad at kilatisin ang mga anticristo. Hindi ba’t sayang naman ang gayong tao? (Oo.) Ang ilang huwad na lider ay sobrang maingat, duwag, at walang silbi. Gaano sila kaduwag at kawalang silbi? Kapag lumilitaw ang masasamang tao para manggambala at manggulo sa gawain ng iglesia, nagsasalita nang napakalupit at napakayabang, sa sobrang takot nila ay nanginginig sila, iniisip nila, “Hindi ako naglalakas loob na pangasiwaan sila. Mga mapanganib sila; masasamang tao sila sa mundo. Kung ilalantad ko sila para protektahan ang mga kapatid, tiyak na may mahahanap sila laban sa akin at gaganti sila. Kapag nagkagayon, paano pa ako makakapagpatuloy bilang isang lider? Alam nila kung saan ako nakatira. Sasaktan kaya nila ang pamilya ko? Isusumbong kaya nila na nananampalataya ako sa Diyos?” Ang mga gayong huwad na lider ay hindi kayang gumawa ng gawain ng iglesia. Hindi sila makakilos sa sobra nilang takot; natural, imposibleng maunawaan nila ang mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga gayong isyu at mga tao. Ang sinumang tinukoy na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia ay hindi isang taong minsan lang nagkakamali. Sa halip, ang pagkatao niya ay napakasama na palagi siyang gumagawa ng mga walang pakundangang masamang gawain at ng napakaraming kasamaan. Walang duda na may diwa ng masasamang tao ang mga gayong indibidwal. Ang pangangasiwa sa masasamang tao ay nangangailangan din ng ilang matalinong pamamaraan. Kailangan mong isaalang-alang ang pinagmulan at kapaligiran at kung ano ang maaaring gawin ng masasamang tao matapos silang pangasiwaan, at kung magdadala ba ito ng problema sa iglesia. Sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang sa mga aspektong ito, saka mo lang mapapangasiwaan nang maayos ang usapin, sa isang paraan na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at gumagamit ng karunungan. Hindi mamamalayan ng mga nakakaunawa sa katotohanan na maaarok nila ang mga prinsipyo habang pinapangasiwaan nila ang mga gayong isyu. Habang ginagawa nila ang gawaing ito, unti-unti nilang mauunawaan kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, makabuo ng mga gawi at pamamaraan, at magkaroon ng karunungan sa puso nila. Pero ang mga huwad na lider ay ganap na walang mga ganitong gawi, pamamaraan, at karunungan. Ito ay dahil wala silang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; hindi nila isinasaalang-alang kung maaapektuhan ba ang gawain ng sambahayan ng Diyos o kung mahaharap ba sa panganib ang mga lider at manggagawa. Dahil hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, pinapangasiwaan nila ang mga usapin nang walang prinsipyo at, ang mas malala pa, nang walang karunungan. Hindi kayang pangasiwaan ng mga huwad na lider ang mga problemang ito at hindi sila natututo ng mga aral mula sa mga ito, na nagpapatunay na ayaw nilang matuto, na wala silang kakayahan, na pinapabayaan nila ang mga wastong gampanin, at hindi sila makagawa ng anumang gawain. Kapag nakikita nila ang masasamang tao at mga anticristo na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng mga pangguggulo, hindi nila inilalantad ang mga taong ito ni nilulutas ang mga isyu. Isinasaalang-alang lang nila na protektahan ang sarili nilang mga interes, nang walang anumang pakialam sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang ilang huwad na lider ay inaapi ang mahihina habang natatakot sa mga mas makapangyarihan sa kanila; walang tigil nilang inaapi ang mga medyo malumanay at ipinangangalandakan ang kapangyarihan nila sa mga ito, pero kapag nahaharap sila sa masasamang tao at mga anticristo, panay ang ngiti at pambobola nila. Magugustuhan ba ng Diyos ang mga gayong huwad na lider at huwad na manggagawang walang mga prinsipyo? Hinding-hindi. Maaari bang linangin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong nang-aapi ng mahihina at natatakot sa malalakas, at walang pagpapahalaga sa katarungan, na maging mga lider at manggagawa? Hinding-hindi! Ang mga taong ito ay pawang hindi mananampalataya at walang pananampalataya na walang konsensiya o katwiran at hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, at ayaw sa kanila ng sambahayan ng Diyos.
Kapag nagkakaroon ng mga problema sa gawain ng isang huwad na lider, ang tugon niya ay palaging iwasan ang responsibilidad. Ang pinakakaraniwang kasabihan ay “Nagbahagi na ako sa kanila.” Ang implikasyon dito ay “Nasabi ko na ang lahat ng kailangan kong sabihin, kaya responsibilidad na nila kapag may nangyaring mali. Wala akong kinalaman doon.” Ito ang dahilan kaya ang pangungusap na “Nagbahagi na ako sa kanila” ay isang anting-anting at salawikain para sa mga huwad na lider. Kung nakakita ang isang huwad na lider ng isang anticristo na sumusunod sa sarili niyang batas, kumikilos nang walang pakundangan, at nagsasanhi ng kaguluhan sa iglesia, ginagamit din niya ang pamamaraan ng pagbabahagi at pagtulong. Matapos magsabi ng ilang salita ng pangaral at babala, ipinagpapalagay niya na magiging masunurin at mapagpasakop ang anticristo, at hindi na manlilihis ng mga tao o manggugulo sa buhay iglesia. Hindi ba’t isang hangal na palagay ito? Ang paggamit ng ganoon kahangal na paraan para limitahan ang mga panggugulo ng mga anticristo ay ang paraan kung paano gumagawa ang isang huwad na lider, at tunay na lubos na kahangalan iyon! Walang ginagawa ang isang huwad na lider kundi basta-bastang nagpapakaabala sa gawain. Nagpapakaabala lang siya sa mga pangkalahatang gawain habang hindi niya nagagawang gumampan ng pangunahing gawain. Hindi niya dinidiligan ang mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, hindi niya pinaghihigpitan ang mga nanggagambala at nanggugulo, at hindi niya pinaaalis iyong mga walang ingat na gumagawa ng masasamang gawa at tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala. Lalong hindi niya binibigyang-pansin kung paano gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng mga panggugulo ang mga anticristo. Hindi niya inilalantad ni kinikilatis ang mga ito, at hindi rin niya pinapaalis o pinapatalsik ang mga ito, hinahayaan niya ang mga anticristo na gumawa ng kasamaan at guluhin ang gawain ng iglesia. Wala siyang pakialam at iniisip niyang walang kinalaman sa kanya ang masasamang gawa ng mga anticristo. Ang mga huwad na lider, sa kanilang gawain, ay nagagawa lang na iraos ang mga bagay-bagay; gumagawa sila ng kaunting pangkalahatang gawain at iniisip na gumawa na sila ng aktuwal na gawain at pasok sila sa pamantayan bilang mga lider. Sinuman ang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, mabilis lang silang nagbabanggit ng kaunting doktrina sa mga tao, nagbibigay ng kaunting payo at paalala, at iniisip nilang nalutas na ang problema. Nagpapakaabala sila sa buong araw, inaasikaso nila kapwa ang maliliit at malalaking usapin, at iniisip nilang mahusay ang paggawa nila. Nagmamalaki pa nga sila, sinasabi nila, “Tingnan ninyo ang iglesia namin. Ang lahat ng tao ay may silbi: Ang mga kayang mangaral ng ebanghelyo ay nangangaral ng ebanghelyo, ang mga kayang gumawa ng mga video ay gumagawa ng mga video, ang mga marunong umawit ay nagre-rekord ng mga himno—maunlad ang buhay iglesia namin!” Gayumpaman, hinding-hindi nila nakikita ang maraming nakatagong problema sa iglesia. Hindi sila nangangahas na pangasiwaan ang masasamang tao at mga hindi mananampalatayang iyon na palaging nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, kaya binabalewala nila ang mga ito. Nagbubulag-bulagan sila sa mga anticristo na kumikilos ayon sa mga sariling paraan ng mga ito, ang bawat isa sa mga ito ay sinusubukang kuhain ang loob ng mga tao at bumuo ng sariling maliliit na grupo. Hindi nila kayang sagutin ang maraming tanong ng mga bagong mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa pagiging matuwid. Sa halip na humanap ng mga paraan para lutasin ang mga aktuwal na problemang ito, palaging sinusubukan ng mga huwad na lider na iwasan ang mga ito, habang sinasabi pa rin na “maunlad ang buhay iglesia.” Hindi ba’t pagpapanggap at panlilinlang ito? Iniiwan ng mga huwad na lider ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito sa iglesia nang hindi pinapaalis o pinapangasiwaan ang mga ito, hinahayaan ang mga ito na walang ingat na gumawa ng masasamang gawa at guluhin nang husto ang buhay iglesia, habang nagkukunwaring hindi nila ito nakikita. Sobrang bulag ang mga gayong huwad na lider! Pinoprotektahan nila ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, at ipinagmamalaki pa nila ito, iniisip na ang hindi pag-aalis sa mga buhong na ito ay pagiging mapagmahal at pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t paggambala at panggugulo ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba’t sadya itong paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya? Pero ganap na walang kamalayan ang mga huwad na lider tungkol dito. Kung tatanungin mo sila kung nalutas na ba ang mga aktuwal na problemang ito, sasabihin nila, “Napungusan ko na sila; nakipagbahaginan na ako sa kanila,” ipinapahiwatig na nalutas na ang mga problema at wala na silang kinalaman sa mga ito. Hindi ba’t pag-iwas ito sa responsabilidad? Para sa isang huwad na lider, sa tuwing may sinumang gumagawa ng anumang masamang asal, hangga’t pabasta-basta niyang pinupungusan ang salarin at inaalok ang mga ito ng ilang paalala at pangaral, tapos na ang gawain niya, at para bang nalutas na ang problema. Hindi ba’t pakikilahok ito sa panlilinlang? Malinaw na nabibigo ang mga huwad na lider na paalisin kaagad ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, at nagbibitaw sila ng mga mapanlinlang na palusot, sinasabi nila, “Nakipagbahaginan ako sa kanila tungkol sa salita ng Diyos, kinilala nilang lahat ang ginawa nila at nakadama sila ng pagsisisi, at umiyak silang lahat at nagsabing talagang magsisisi sila at hindi na tatangkaing magtatag ng nagsasarili nilang kaharian.” Hindi ba’t nililinlang lang ng mga huwad na lider na ito ang kanilang sarili? Ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito ay pawang mga taong tutol sa katotohanan. Walang sinuman sa kanila ang talagang tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos; sa halip, sila ang mga pakay ng pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. Pero tinatrato ng mga huwad na lider ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao at mga anticristong ito bilang mga kapatid, at mapagmahal na tinutulungan ang mga ito. Ano ang kalikasan ng problema rito? Kahangalan at kamangmangan ba ang pumipigil sa kanila na makita nang malinaw ang mga taong ito, o sinusubukan ba nilang mapalugod ang mga ito dahil sa takot nilang mapasama ang loob ng mga ito? Anuman ang dahilan, ang pinakamahalaga ay na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan o inaamin ang mga pagkakamali nila kapag pinupungusan sila. Sapat na ito para ipakita na talagang walang katotohanang realidad ang mga huwad na lider. Hindi sila gumagawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at lalo na pagdating sa gawain ng paglilinis sa iglesia, kumikilos sila nang pabasta-basta. Iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapaalis ng ilang malinaw na masamang tao. Kapag nalalantad at napupungusan, naghahanap pa sila ng iba’t ibang dahilan at palusot para maiwasan ang responsabilidad at maipagtanggol ang kanilang sarili. Samakatwid, ang isang huwad na lider na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ay isang balakid na humahadlang sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Pinapangasiwaan lang ng mga huwad na lider ang kaunting mapagpaimbabaw, pangkalahatang usapin na gawain, na walang anumang halaga. Hindi nila nilulutas kailanman ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia; basta iniiwasan lang nila ang mga iyon. Bukod sa inaantala nito ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, nakakaapekto rin ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang malinaw, ginagambala at ginugulo ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia at kumikilos sila para protektahan ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo. Sa kritikal na sandali ng espirituwal na pakikibaka, pumapanig sila sa masasamang tao at mga anticristo para labanan at linlangin ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Batay sa mga pananaw at asal ng mga huwad na lider, malinaw na sadyang hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, at ganap na hindi nila kayang gawin ang gawain ng pamumuno.
Hindi tinatrato ng mga huwad na lider ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos kundi ayon sa sarili nilang kagustuhan. Kumikilos sila nang walang anumang prinsipyo, ginagawa ang anumang gusto nila. Kapag nakikita nilang ginugulo ng mga anticristo ang iglesia, hindi sila namumuhi sa mga ito. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa mga anticristo, malilimitahan ang paggambala at panggugulo ng mga ito. Anong klaseng mga tao ang mga anticristo? Mga diyablo sila, mga Satanas sila! Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan at kaya nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia at guluhin ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sila ang mga diyablo at Satanas sa tunay na buhay. Umaasa ang mga huwad na lider na mahihimok nila ang mga anticristo na magsisi at magbago ng isip sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos sa mga ito. Hindi ba’t malaki itong kahangalan? Ang mga taong katulad ng mga anticristo ay hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan. Kahit gaano karaming masamang gawa ang gawin nila, hindi nila pagninilayan o kikilalanin ang sarili nila, at kahit gaano karaming pagkakamali ang magawa nila, hindi nila aaminin ang mga pagkukulang nila. Mga buhong sila na nakatadhanang mapunta sa impiyerno, pero iniisip ng mga huwad na lider na ang pagbabasa ng ilang sipi ng salita ng Diyos at pagbibigay ng ilang payo ay makakapagpabago sa kanila—hindi ba’t pag-iilusyon ito? Kung napakadali para sa tiwaling sangkatauhan na tanggapin ang katotohanan, hindi na kakailanganing gampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Bakit nagsasalita ang Diyos ng napakaraming salita at nagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain? Dahil ang pagliligtas sa mga tao ay hindi madali, dahil masyadong marami ang paghihirap ng mga tao at masyadong matindi ang paghihimagsik nila! Ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang maliligtas. Ang mga tutol at namumuhi sa katotohanan ay hindi maliligtas. Gayumpaman, naniniwala ang mga huwad na lider na kung magsasabi sila ng ilang malupit na salita sa mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, magsisisi ang mga indibidwal na ito at makikilala ang sarili ng mga ito, at na kung sasabihan nila ito ng mga salita ng pagpapayo at pagpapagaan ng loob, magsisisi ang mga ito, at kapag nagkagayon ay magiging determinado ang mga ito na gawin ang mga tungkulin ng mga ito, maging tapat, at sumailalim sa pagbabago sa disposisyon—at magiging mga masunuring tupa ang mga anticristo. Hindi ba’t hangal na ideya ito? Napakalaking kahangalan nito! Katulad ito ng walang katuturang salita ng isang baliw—paanong magiging ganoon kasimple ang mga bagay? Mahigit tatlumpung taon nang ginagampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol, at gaano kalaking pagkakilala sa sarili at pagbabago ang nakamit na ng mga tao? Iilang tao lang ang nagkamit ng ilang resulta. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, gaano man karaming sermon ang kanilang pinapakinggan, sa pinakamainam, ay nakakaunawa lang ng ilang doktrina. Hinding-hindi nagbago ang buhay disposisyon nila, at maging ang mabubuting ugali at mabubuting gawa ay bihirang makita sa kanila. Anong klaseng mga tao ang mga ito? Sila ay mga taong nakikinabang hangga’t nais nila—hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Nakatuon lang sila sa pagtatamasa ng biyaya ng Diyos at naghahangad lang sila ng mga pagpapala; sila ay walang iba kundi mga nakabihis na hayop! Labis na tiniwali ni Satanas ang mga tao; puno sila ng mga tiwaling disposisyon, at punung-puno ng mga lason ni Satanas ang mga buto at dugo nila. Kung hindi nila matatanggap ang katotohanan, o ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, paano sila tunay na makapagpapasakop sa Diyos? Paano nila magagawa nang tapat ang mga tungkulin nila? Paano sila magkakaroon ng takot sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan? Ang pagkamit ba ng kaligtasan ay maaaring maging kasingsimple ng gaya ng iniisip ng mga tao? Ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa loob ng libu-libong taon, hanggang sa puntong naging mga diyablo na sila. Ngayong pumarito na ang Diyos para iligtas sila, at gaano man karaming salita ang sinasabi Niya, isang napakahirap na gampanin ang gawing mga tunay na tao ang mga taong naging diyablo na. Bukod sa kailangang magpahayag ng Diyos ng maraming katotohanan, kailangan ding gawin ng mga tao ang pinakamakakaya nila para makipagtulungan sa pamamagitan ng paghahangad, pagtanggap, at pagsasagawa sa katotohanan—saka lang sila makakalaya sa impluwensiya ni Satanas at saka nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Minsang sinabi ng Diyos, “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang.” Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, tanging ang mga tunay na dumaranas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at ganap na nagpapasakop sa Kanyang gawain, ang malilinis at magagawang perpekto. Iyong mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo na hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan, na tutol sa katotohanan sa puso nila; hindi nila kailanman makakamit ang pagliligtas ng Diyos, at maaari lang silang mabunyag at matiwalag ng gawain ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay walang pag-unawa sa gawain ng Diyos. Iniisip nilang napakasimple ng gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa masasamang tao at mga anticristo at pagsasabi ng ilang malupit na salita ng pagpupungos, magsisisi at magbabago ang mga tao, at magiging tapat sa mga tungkulin ng mga ito. Ano ang problema rito? Bukod sa hindi paghahangad sa katotohanan at hindi pagkaunawa sa katotohanan, dahil din ito sa napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider; samakatwid, wala talaga silang pagkaunawa sa gawain ng Diyos at kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao. Para makita kung ano ang diwa ng isang tao, kung mayroon man siyang katotohanang realidad, at kung paano siya dapat na tratuhin, kinakailangang isaalang-alang ang kakayahan at saloobin niya sa katotohanan—dapat mong obserbahan kung kumusta ang pagkaarok niya sa katotohanan at kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ano ang batayan sa pagsukat kung kayang maarok ng isang tao ang katotohanan? Pangunahin itong nakasalalay sa kalidad ng kakayahan niya at kung dalisay ba ang pagkaarok niya sa mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay umaabot sa edad na limampu o animnapu pero hindi pa rin nila nakikilatis ang diwa at aktuwal na kalagayan ng katiwalian ng sangkatauhan. Iniisip pa rin nila na maganda ang lipunan ng tao at gusto nilang mamuhay nang payapa at matiwasay kasama ang iba. Hindi ba’t labis itong hangal at walang kamuwang-muwang? Kung pwedeng maging mabuti ang lahat ng tao dahil sa pananampalataya sa Diyos, kakailanganin pa ba ang gawain ng Diyos ng paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao? Hindi tinutukoy ng mga huwad na lider kung kumusta ba talaga ang iba’t ibang tao batay sa mga salita ng Diyos kundi batay lang sa panlabas na pag-uugali ng mga ito at batay sa mga personal na impresyon ng huwad na lider. Napakamapagpaimbabaw rin ng gawaing ginagawa nila, tulad ng mga batang naglalaro ng bahay-bahayan. Iniisip nila na minsan ay kaya nilang hanapin ang mga tamang salita ng Diyos para ilapat sa isang partikular na sitwasyon, at na ang simpleng pagbabasa ng ilang salita ng Diyos sa mga tao ay makapagpapabago sa mga ito: “Tingnan mo, sa ilalim ng pamumuno at pagpapayo ko, sa pamamagitan ng aking mapagmahal na pagtulong, nagkaroon na ng epekto sa mga tao ang mga salita ng Diyos. Ayaw na nilang maging mga anticristo, at handa na silang baguhin ang mga pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos. Hindi na sila makikipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, ni magtatatag ng mga nagsasariling kaharian; hindi na nila gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia, at hindi na nila ililihis ang mga kapatid o kukuhain ang loob ng mga ito!” Kaya mo ba silang limitahan? Hindi mo kailanman malilimitahan ang tunay na masasamang tao na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Dahil may diwa sila ng masasamang tao, gumagawa sila ng masasamang gawa anumang oras ng araw o gabi; sa tuwing may pagkakataon sila, gumagawa sila ng kasamaan. Ayos lang ba na hindi mo sila paalisin sa iglesia? Titigil ba sila nang kusa sa masasamang gawa nila? Hindi sila mga tao; sila ay mga diyablo at Satanas! Ilang taon na bang lumalaban sa Diyos ang diyablong si Satanas? Hanggang ngayon, lumalaban pa rin ito sa Diyos. Ang mga anticristo at lahat ng uri ng masamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia ay ang mga diyablo at Satanas sa tunay na buhay; sila ang mga kaaway sa tunay na buhay. Maaari ba nilang mabago ang diwa nila dahil lang sa ilang salita mula sa iyo o dahil sa mapagmahal na puso mo? Napakahangal mo! Iniisip mo bang maliligtas mo ang mga tao mula sa kasalanan dahil lang nauunawaan mo ang kaunting doktrina? Kaya mo ba silang iligtas? Nakatadhana na silang mapunta sa impiyerno, pero iniisip mong mababago sila ng ilang magandang salita. Ganoon ba ito kadali? Kung ang mga tao ay napakadaling iligtas, hindi na kakailanganin ng Diyos na magsabi ng napakaraming salita o gumampan ng gawain ng paghatol at pagkastigo. Kakailanganin ba Niyang gumugol ng napakaraming oras at matinding pagsisikap para iligtas ang mga tao?
Ngayon, sa iglesia, nabunyag at nahati na ang iba’t ibang tao ayon sa uri. Dapat na maklasipika ang lahat batay sa uri nila, at may mga prinsipyo at atas administratibo sa sambahayan ng Diyos na namamahala sa kung paano tatratuhin at papangasiwaan ang iba’t ibang uri ng mga tao. May pagtitiis at pagpaparaya, awa at mapagmahal na kabaitan, at matuwid na disposisyon ang Diyos—pero huwag kalimutan na ang Diyos ay may poot at pagiging maharlika rin. Sinasabi ng ilang tao, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Totoo ito, pero nais ng Diyos na iligtas ang “bawat tao”, hindi ang bawat bagay o bawat diyablo. Kapag nasasadlak sa perdisyon ang mga tao, nakakaramdam ng hinagpis at pighati ang Diyos. Kapag nasasadlak sa perdisyon ang mga diyablo, iyon ang nararapat na wakas at karampatang parusa para sa kanila; hindi nakakaramdam ng pighati ang Diyos para sa kanila. Ito ang disposisyon ng Diyos at ang prinsipyo Niya sa pangangasiwa sa mga tao. Palaging gustong kontrahin ng mga tao ang Diyos, iniisip nila na ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo ay mga tao rin. Iniisip nila na ang mga palaging nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia ay mga tao rin, na ang mga nakikipag-agawan sa katayuan at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian ay mga tao rin, at na ang mga palaging nakikisangkot sa kahalayan ay mga tao rin. Isinasama nila ang lahat ng maladiyablong uri na ito sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t salungat ito sa mga pagnanais ng Diyos? Dahil ang mga pananaw nila sa mga usapin ay lubos na taliwas sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang mga opinyon nila tungkol sa iba’t ibang negatibong personalidad, diyablo, at Satanas ay ganap na salungat sa mga salita ng Diyos, napakalaki ng pagkakaiba. Hindi kailanman tinrato ng Diyos bilang mga tao ang mga diyablong sumusunod kay Satanas. Paano tinutukoy ng Diyos ang mga taong ito? Mga alipores sila ng diyablong si Satanas; mga hayop sila. Ang mga huwad na lider, dahil sa mabubuti nilang layunin at naguguluhang pagmamahal, at dahil hinihimok sila ng sarili nilang pag-iilusyon, ay itinuturing ang mga hindi mananampalataya, diyablo, at alipores na ito ni Satanas bilang mga kapatid. Samakatwid, pinapakitaan nila ang mga ito ng malaking pagmamahal at kabaitan, palaging tinutulungan at sinusuportahan ang mga ito. Bilang resulta, dahil sa suporta, tulong, at pamumuno ng mga huwad na lider sa mga taong iyon, ang tunay na mga kapatid—iyong mga gustong iligtas ng Diyos—ay labis na nababahala; hindi kailanman makapasok sa tamang landas ang buhay iglesia, at ang mga kapatid ay hindi kailanman normal na makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at makapagbahaginan sa katotohanan nang hindi nagugulo ng masasamang tao. Hindi ba’t ito ang “nakamit” ng mga huwad na lider? Talagang makabuluhan ang “nakamit” nila: Bukod sa nabibigo silang protektahan ang mga kapatid, binibigyan din nila ng di-nararapat na paggalang at proteksiyon ang masasamang tao at mga anticristong iyon. Hindi ba’t paggambala ito sa gawain ng iglesia? Ang kalikasan ng mga huwad na lider na gumagawa nito ay paggambala, pero iniisip nilang pinananatili nila ang gawain ng iglesia at na tinutulungan at sinusuportahan nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Paano tinitingnan ng Diyos ang mga kilos na ito ng mga huwad na lider? Kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, labis Niyang kinasusuklaman ang mga ito! Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider sa halip ay nakatuon sila sa pangangalaga sa masasamang tao, kumikilos sila bilang mga alipores ni Satanas. Dahil dito, ang hinirang na mga tao ng Diyos—iyong mga nagmamahal sa katotohanan—ay hindi nakakatanggap ng suporta at pagtustos ng iglesia sa kabila ng pamumuhay ng buhay iglesia, at gusto nilang gawin ang mga tungkulin nila pero hindi tiyak ang seguridad nila. Ganap na walang kaalam-alam ang mga huwad na lider sa mga usaping ito at iniisip nila, “Pantay-pantay ang pagtrato ko sa lahat, kaya bakit kayo nagrereklamo? Ano ba ang dapat kong gawin para masiyahan kayo? Ito ang ibig sabihin ng patas na pagtrato sa mga tao. Sadyang maselan kayo at mahirap kayong mapasaya! Basta’t ako’y nananagot sa Diyos; ginagawa ko ang lahat sa harap ng Diyos!” Hindi ba’t hindi sila tinatablan ng katwiran para makapagbitaw sila ng gayong retorika? Hindi ba’t sukdulan ang kahangalan nila? Tunay ngang hindi sila tinatablan ng katwiran at sukdulan ang kahangalan nila. Araw-araw na tinatalakay ng sambahayan ng Diyos kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, pero hindi kailanman nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila na sinuman ang isang tao, ano man ang diwa niya, at gaano man kasama ang mga nagawa niya, at gaano man kamapaminsala ang pagkatao niya, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos at sa tulong ng mapagmahal na pagsuporta ng mga tao, sa huli ay magsisisi at magbabago ito. Hindi ba’t maling-mali ang pananaw na ito? (Oo.) Bukod sa pagkakaroon ng labis na nakakalinlang na pagkaarok sa mga salita ng Diyos, nagpapanggap din ang mga huwad na lider na nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos at, sa makitid nilang pananaw at sa pagtupad sa sarili nilang mga makasariling pagnanais, nagpapakita sila ng kabaitan at pagmamahal sa masasamang tao at mga anticristo. At ano ang resulta? Nauuwi sila sa pagtatanggol sa masasamang tao at mga anticristo, nagiging kasabwat ng mga ito, nagbibigay ng mga pagkakataon at lugar para gambalain at guluhin ng mga ito ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia. Samantala, ang mga kapatid na tunay na nangangailangan ng proteksiyon ay binabalewala ng mga huwad na lider, na hindi kailanman nagtatanong sa kanila, “Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa pagkakaroon ng masasamang tao at mga anticristong ito sa iglesia, at sa mga nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Sumasang-ayon ba kayo na manatili sila sa iglesia? Handa ba kayong gawin ang mga tungkulin ninyo at mamuhay ng buhay iglesia kasama nila?” Hindi nila kailanman tinatanong kung ano ang nararamdaman ng mga kapatid tungkol sa mga bagay na ito. Ano sa palagay ninyo—hindi ba’t labis na kasuklam-suklam ang mga gayong lider at manggagawa? Kumikilos sila sa ilalim ng pangalan ng pagiging mga lider at manggagawa, taglay ang mga gayong titulo, pero ang totoo ay ginagawa nila ang gawain ng pangangalaga kay Satanas at sa mga alipores ni Satanas. Nakakalungkot talaga ito! Kung sasabihin mong ang mga gayong lider at manggagawa ay may mahinang kakayahan at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, maaaring hindi sila makumbinsi. Mararamdaman nilang naagrabyado sila, iisipin nilang abala sila araw-araw at hindi naman tamad, kaya paanong hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain? Pero batay sa mga pagpapamalas nila—dahil nararamdaman nila na parehong mahalaga ang dalawang grupo ng mga tao, iniisip na dapat tratuhin nang pantay-pantay ang parehong grupo, ginagamit ang patas na pagtrato bilang dahilan para payagan ang masasamang tao at iyong mga nanggagambala at nanggugulo na mangibabaw sa iglesia, at hinahayaang magpatuloy ang iba’t ibang masamang gawa sa iglesia—ano ang mga lider at manggagawang ito? Batay sa mga pagpapamalas nila, sa paraan at mga prinsipyo nila ng paggawa, at sa mga motibo nila sa paggawa, malinaw na sila ay mga huwad na lider at mga hangal na magulo ang isip. Tama bang sabihin ito? (Oo.)
Sa lipunan, anuman ang grupo o uri ng mga tao, hindi nila pinag-iiba ang masasamang tao sa mabubuting tao, lalong hindi nila tinatalakay kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao o kung ano ang diwa ng tiwaling sangkatauhan; hindi man lang nila pinag-iiba ang mabuti sa masama. Pero sa sambahayan ng Diyos, nakabatay sa mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay; hindi kailanman nagbabago ang katotohanan, at naisasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa iglesia, ibinubunyag ng mga salita ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, at bawat isa ay natural na iginugrupo-grupo ayon sa uri nila. Ang lahat ng uri ng tao ay dapat na pinakamainam na gamitin batay sa pagkatao, mga paghahangad, at diwa nila. Pagkaklasipika ba ito sa mga tao nang batay sa ranggo? Hindi ito pagkaklasipika sa mga tao batay sa ranggo, bagkus ay pagkakategorya sa kanila. Ang bawat tao ay dapat na maigrupo ayon sa uri nila—dapat silang ilagay kung saan sila nabibilang. Ang paghahalo-halo ay hindi katanggap-tanggap; ang paghahalo-halo ay pansamantala at may takdang panahon. Halimbawa, kapag pinaghalo ang mga ligaw na damo at trigo, kung ang pagbunot sa mga ligaw na damo ay nakakaapekto sa trigo at maaaring magdulot ng pagkamatay ng trigo, hindi muna dapat bunutin ang mga ligaw na damo. Pero ang hindi pagbunot sa mga ito ay hindi nangangahulugang hindi nakakategorya ang mga ito—kung gayon, kailan dapat bunutin ang mga ito? Sa tamang panahon; ihahanda ng Diyos ang panahon. Ngayon ang panahon para ang bawat isa ay maigrupo ayon sa uri nila; kailangang maikategorya ang lahat ng uri ng tao. Kinakailangan ito. Bakit kailangang gawin ang gawaing ito? Mula sa teoretikal na perspektiba, nariyan ang batayan ng mga salita ng Diyos; mula sa perspektiba ng aktuwal na sitwasyon, kailangan itong gawin—may praktikal na halaga ito, at mahalagang gawin ito. Kapag ang pagbunot sa mga ligaw na damo ay hindi nakakaapekto sa trigo, dapat nang bunutin ang mga ligaw na damo at ihiwalay sa trigo. Kung ang mga hindi mananampalataya at masasamang tao—iyong mga katumbas ng mga ligaw na damo—ay itinuturing bilang mga kapatid, masyado itong hindi patas sa lahat ng kapatid na sinserong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Sa isang banda, ang mga taong ito ay madalas na magugulo, maiimpluwensiyahan, at mapipinsala ng masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Sa kabilang banda, ang ilang tao na may mababang tayog ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at mapipigilan, magiging negatibo at mahina, o matitisod pa nga kapag nakakaugnayan nila ang masasamang taong nanggagambala at nanggugulo. Bukod dito, ang lahat ng ginagawa ng mga nanggagambala at nanggugulo at ang bawat salitang sinasabi nila ay nagdudulot ng ligalig, kaguluhan, at di-maayos na mga sitwasyon. Ang pinakamakatotohanang sitwasyon ay na kapag gumagawa sila ng isang tungkulin o ng ilang gawain, walang ingat silang gumagawa ng masasamang gawa at hindi sila sumusunood sa mga prinsipyo, na humahantong sa napakalaking pag-aaksaya ng lakas-tao, materyales, at pinansiyal na yaman nang walang nakakamit na anumang resulta. Sa huli, ano ang nangyayari? Kapag tinanggal sila, ang lahat ay kailangang magbayad para sa masasamang gawa nila. Ang gawain ay kailangang ulitin, at ang lakas-tao, materyales, oras, at ang pinakamahalagang enerhiya na ginugol ng lahat bago natanggal ang mga indibidwal na iyon ay nasayang dahil sa masasamang gawa nila at hindi na mababawi pa. Napakalaki ng negatibong epektong idinulot nila sa gawaing ito! Walang makapagpapasan sa responsabilidad na ito. Kahit na magawa nang maayos ang gawain kalaunan, ang mga naging kawalan noon ay hindi mababayaran ng sinuman. Sinasabi ng ilan na pagbayarin sila ng pera; dapat din itong gawin, pero mabibili ba ng pera ang oras? Mabibili ba ng pera ang oras at lakas ng mga kapatid, o ang sinserong halaga na ibinayad nila? Hindi—walang katumbas na halaga ang mga iyon! Gaano man karami ang mga taong nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa iglesia, hindi masusukat ang mga kahihinatnan. Maaapektuhan ang buhay pagpasok ng napakaraming kapatid. Ang kawalan ay malaki at hindi na mababayaran. Mababayaran ba ang kawalan sa buhay ng mga kapatid? Sino ang magbabayad sa kawalan na ito? Kaya, kailangang alisin ang masasamang taong ito. Hindi sila kauri ng mga kapatid na naghahangad sa katotohanan. Kabilang sila sa mga kasabwat ng mga diyablo at ni Satanas, na pumunta sa sambahayan ng Diyos para manggulo at manira. Kung hindi aalisin sa iglesia ang masasamang taong ito, hindi kailanman masisiguro ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay sa iglesia. Kahit ilang tao ang bumubuo sa isang partikular na grupo, hangga’t may isang tao sa kanila na nanggagambala at nanggugulo—isang taong walang ingat na gumagawa ng masasamang gawa, hindi kailanman pinapangasiwaan ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, hindi kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay o ang katotohanan, walang pinapakinggan, at kumikilos nang sutil at basta-basta may katayuan o kapangyarihan man siya o wala, at sa esensiya ay isang buhay na Satanas—ang gayong tao, hangga’t nananatili siya sa iglesia, ay magdudulot, sa malao’t madali, ng malaking kaguluhan at pagkasira sa gawain ng iglesia. Kapag dumating ang araw para paalisin at pangasiwaan siya, gaano karaming tao ang kailangang maglinis ng masasamang kinahinatnan at magugulong sitwasyong idinulot niya! Samakatwid, ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa masasamang tao at mga anticristong ito ay isang mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa, at hindi ito dapat gawin nang walang ingat. Gayumpaman, nagpapakita ng kabaitan at pagmamahal ang mga huwad na lider sa mga dapat nang paalisin o patalsikin, nagbubulag-bulagan sila sa masasamang gawa ng mga ito, at tinitiis at hinahayaan ang mga ito bilang mga kapatid, at itinuturing pa nila ang mga kapaki-pakinabang sa kanila bilang mga taong may talento at nililinang at ginagamit nila ang mga ito. Anuman ang masasamang bagay na ginagawa ng mga ito, naghahanap ng mga palusot ang mga huwad na lider para patawarin ang mga ito, at binibigyan pa nga ang mga ito ng mapagmahal na pagtulong at pagsuporta. Sa ilang antas, hindi ba’t sadya itong paggambala? (Oo.) Ang mga huwad na lider ay kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya at sa sarili nilang kabaitan at kasigasigan, na sa huli ay nagdudulot sila ng malaking problema sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos! Kung hahawak ng kapangyarihan ang masasamang taong ito, ang mga sakuna at kahihinatnang idudulot nila ay hindi masusukat.
May kasalukuyang regulasyon sa sambahayan ng Diyos na sinumang gumagawa ng masasamang gawa, basta’t nagdudulot ito ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, kailangan nilang magbayad para dito. Kung napakalaki ng kawalan at malubha ang mga kinahinatnan, malulutas ba ang problema sa pamamagitan lang ng pagbabayad ng pera? May ilang kawalang hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera; hindi na mababawi at maibabalik ang mga ito. Napakahalaga at napakakritikal ng bawat araw ngayon. Kapag lumipas na ang isang araw, maibabalik ba ang oras na iyon? Hindi na rin iyon maibabalik. Bakit natin sinasabing habambuhay na pagsisisihan kapag napalampas ang ilang partikular na bagay? Dahil mismo sa hindi na maibabalik ang oras. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Pinakamainam na makaiwas sa mga problema bago pa man mangyari ang mga ito, sa halip na gumastos ng pera para lutasin ang mga ito pagkatapos mangyari ng mga ito; ito ang pinakamainam na paraan para malutas ang mga problema. “Ang pagsasara sa pinto ng kuwadra pagkatapos makawala ng kabayo” ay huling paraan na. Pinakamainam na maghanda kung paano makakaiwas bago pa mangyari ang mga bagay. Nangangahulugan ito na bago mangyari ang anumang paggambala at panggugulo, ang mga lider at manggagawa ay dapat magkaroon ng malinaw na pagkilatis at masusing pag-unawa sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, at maingat na obserbahan at agad na arukin ang mga kalagayan, disposisyon, at hangarin ng iba’t ibang uri ng tao, gayundin ang mga saloobin at pananaw nila habang gumagawa ng tungkulin, para matiyak na ang lahat ng kapatid ay may normal na buhay iglesia at kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin nila. Sa ganitong paraan, makakausad nang maayos ang gawain ng iglesia. Ito ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Siyempre, hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang ganitong gawain; sila ay mga hangal na magulo ang isip at mga taong walang silbi. Ngayon, mayroon silang matalinong ideya: “Ang sinumang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at palpak sa gawain ay pagmumultahin! Kung may ginawang mali ang isang anticristo, pagmumultahin siya!” Iniisip nila na ang pagpapataw ng mga multa ang pinakamainam na solusyon at pinakamabuting prinsipyo ng pagsasagawa. Kung malulutas ang lahat ng problema sa pamamagitan ng mga pagmumulta, ano pa ang silbi ng paghahangad sa katotohanan? Bakit tinatawag na huwad ang isang huwad na lider? Dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at itinuturing niyang pagsasagawa sa katotohanan ang pagsunod sa mga regulasyon at itinuturing niya bilang ang katotohanan ang mga salita at doktrinang nauunawaan niya, at kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, hinding-hindi niya mahanap ang mga tamang prinsipyo o direksiyon at hindi niya malutas ang ugat ng mga problema. Hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi niya maarok kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng Diyos pero gusto pa rin niyang gumawa at maging lider o manggagawa—napakahangal nito! Sa aspektong ito, ano ang pangunahing pagpapamalas ng isang huwad na lider? Hindi niya makilatis ang diwa ng iba’t ibang uri ng mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi niya makategorya ang mga ito, at tiyak na hindi niya kayang tratuhin o pangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo. Sa isipan ng isang huwad na lider, magulo ang lahat ng ito. Binibigyan niya ng interpretasyon ang mga salita ng Diyos at ang ibig sabihin ng Diyos batay sa kasigasigan niya at sarili niyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Kasabay nito, ipinipilit niya ang kanyang kabaitan, kasigasigan, at personal na mga imahinasyon at kuru-kuro sa Diyos, naniniwalang naaayon sa katotohanan ang mga ito, naaayon sa mga layunin ng Diyos, at maaaring kumatawan sa ninanais ng Diyos. Dahil dito, umaasa sila sa mga bagay na ito para gumawa at pamunuan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng isang huwad na lider. Dito natin tatapusin ang pagbabahaginan natin sa ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider.
III. Hindi Inilalantad at Pinipigilan ng mga Huwad na Lider ang Masasamang Tao
Susunod, pagbabahaginan natin ang ikatlong pagpapamalas ng mga huwad na lider, ang hindi pagbibigay-pansin at hindi pagtatanong tungkol sa mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia—kahit kapag natutuklasan nila na ginugulo ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi nila ito binibigyang-pansin. Mas malubha ang kalikasan nito kaysa sa naunang dalawang pagpapamalas. Bakit sinasabing mas malubha ito? Ang naunang dalawang pagpapamalas ay may kinalaman sa kakayahan ng mga huwad na lider, pero ang pagpapamalas na ito ay may kinalaman sa pagkatao ng mga huwad na lider. Napakahina ng kakayahan ng ilang huwad na lider na hindi nila makilatis ang kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang iba namang huwad na lider, kahit kaya nilang matuklasan ang mga problema ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, sa kasamaang-palad ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila kayang pangasiwaan at lutasin ang mga problemang ito. Palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya at kasigasigan, ginagawa ang gusto nilang gawin, habang iniisip sa puso nila, “Hangga’t ginagawa ko ang gawain ng iglesia, ayos lang ito; pagdating naman sa kung sino ang nanggagambala at nanggugulo, personal na nilang usapin iyon at wala iyong kinalaman sa akin.” May ilan ding huwad na lider na may kaunting kakayahan at nakakagawa ng kaunting gawain, at may kaunting kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng pangangasiwa sa bawat uri ng tao. Gayumpaman, takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya kapag natutuklasan nila ang masasamang tao at mga anticristo na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hindi sila naglalakas-loob na ilantad, pigilan, o limitahan ang mga ito. Namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, at nagbubulag-bulagan sila sa mga usaping pakiramdam nila ay walang kinalaman sa kanila. Wala talaga silang pakialam kung ano ang mga resulta ng gawain ng iglesia, o kung gaano naapektuhan ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; iniisip nilang walang kinalaman sa kanila ang mga gayong bagay. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng gayong huwad na lider, hindi napapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, at hindi napoprotektahan ang mga tungkulin at buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ito kaso kung saan hindi magawa ng mga huwad na lider ang gawain nila dahil mahina ang kakayahan nila; ito ay dahil mababa ang pagkatao nila—at wala silang konsensiya at katwiran, kaya hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Sa anong paraan nagiging huwad ang mga huwad na lider? Wala silang konsensiya at katwiran ng pagkatao; samakatwid, sa panahon ng paggawa nila bilang lider, hindi talaga nalulutas ang isyu ng masasamang tao at mga anticristo na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Labis na napipinsala ang ilang kapatid, at ang gawain ng iglesia ay nagdurusa rin ng malalaking kawalan. Kapag napapansin ng ganitong uri ng huwad na lider ang isang problema, kapag nakikita niya ang isang masamang tao o anticristong nagdudulot ng paggambala o panggugulo, alam niya kung ano ang responsabilidad niya, kung ano ang dapat niyang gawin, at kung paano niya ito dapat gawin, pero wala talaga siyang ginagawa, at nagkukunwari pa nga siyang walang alam, ganap niyang binabalewala ito, at hindi niya inuulat ang usapin sa mga nakakataas sa kanya. Nagpapanggap siyang walang alam at wala siyang nakikita, hinahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na gamabalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t may problema sa pagkatao niya? Hindi ba’t kauri siya ng masasamang tao at mga anticristo? Ano ba ang prinsipyo ng kanyang pamumuno? “Hindi ako nagdudulot ng anumang pagkagambala o kaguluhan, pero hindi ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob, o anumang bagay na nakakasakit sa dignidad ng iba. Tukuyin man ako bilang isang huwad na lider, hindi pa rin ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob. Kailangan kong ipaghanda ang sarili ko ng daan palabas.” Anong uri ng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas. At anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t napakatuso at napakamapanlinlang nito? Hindi tapat kahit bahagya man ang gayong tao sa kanyang pagtrato sa atas ng Diyos; palagi siyang tuso at madaya sa pagganap sa kanyang tungkulin, na may napakaraming hindi kanais-nais na kalkulasyon, iniisip ang kanyang sarili sa lahat ng bagay. Hindi man lang niya iniisip ang gawain ng iglesia at walang-wala siyang konsensiya o katwiran. Siya ay lubos na hindi karapat-dapat na maglingkod bilang lider ng iglesia. Ang mga gayong tao ay walang kahit katiting na pasanin para sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang iniintindi lang nila ay ang sarili nilang mga interes at pagtatamasa; nakatuon lang sila sa pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan, nang walang anumang pakialam sa kondisyong kinalalagyan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamakasarili at pinakakasuklam-suklam na tao? Kahit kapag may natutuklasan silang masasamang tao at mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila ito binibigyang-pansin, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga usaping ito. Para itong isang pastol na nakikitang kinakain ng lobo ang tupa pero wala siyang ginagawa, iniisip lang ang sarili niyang kaligtasan. Hindi kalipikado na maging pastol ang gayong tao. Ang lahat ng ginagawa ng ganitong uri ng huwad na lider ay para protektahan nang lubos ang sarili niyang reputasyon, katayuan, kapangyarihan, at sa iba’t ibang pakinabang na kasalukuyan niyang tinatamasa. Wala siyang pasanin sa puso niya para sa atas ng Diyos, sa gawain ng iglesia, o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, na kanyang mga tungkulin at responsabilidad; hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang mga ito. Iniisip niya, “Bakit kailangang gawin ng isang lider ang mga gampaning ito? Bakit ang hindi paggawa ng mga gawaing ito ay nagreresulta sa pagpungos at pagkondena, at pagtanggi ng mga kapatid?” Hindi nila nauunawaan at ganap na wala silang pakialam. Sa puso Ko, kahit gaano kabait tingnan ang ganitong uri ng tao, kahit gaano siya kamukhang sumusunod sa mga tuntunin, o kahit gaano siya katahimik, o kasipag at kahusay, dahil sa katunayang kumikilos siya nang walang mga prinsipyo at hindi siya umaako ng pananagutan para sa gawain ng iglesia, naoobliga Akong magbago ng pananaw sa kanya. Sa huli, tinukoy Ko ang ganitong uri ng tao nang ganito: Maaaring wala siyang malalaking pagkakamali, pero napakatuso at napakamapanlinlang niya; wala siyang inaakong anumang responsabilidad, hinding-hindi rin niya itinataguyod ang gawain ng iglesia—wala siyang pagkatao. Pakiramdam Ko, para siyang isang hayop—dahil sa kanyang pagkatuso, para siyang isang tumanggong. Sinasabi ng mga tao na tuso ang mga tumanggong, pero sa katunayan, ang mga taong ito ay mas tuso pa kaysa sa mga tumanggong. Sa panlabas, mukhang wala silang ginawang anumang kasamaan, pero sa katunayan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay para sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang lahat ng ginagawa nila ay para sa layon ng pagtatamasa sa mga pakinabang ng kanilang katayuan, at hinding-hindi nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila nilulutas ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia kahit kaunti, ni tinutugunan ang mga aktuwal na isyung may kinalaman sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga huwad na lider na ito ay hindi gumagawa ng anumang gawain para akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos patungo sa katotohanang realidad. Ano ba talaga ang layon ng lahat ng ginagawa nila? Hindi ba’t ito ay para lang magpalugod ng mga tao at para maging mataas ang tingin sa kanila ng iba? Sinisikap nilang maging maganda ang tingin sa kanila ng lahat ng tao nang wala silang napapasama ng loob, nang sa gayon ay matamasa nila ang reputasyon nila at ang mga pakinabang ng katayuan nila. Ang pinakakamuhi-muhi sa kanila ay na lahat ng kilos nila ay walang idinudulot na pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; sa halip, inililihis nila ang mga tao, hinihimok nila ang iba na hangaan at idolohin sila. Hindi ba’t mas tuso at mas mapanlinlang ang mga taong ito kaysa sa mga tumanggong? Sila ay mga tipikal, tunay na huwad na lider. May katayuan sila ng lider at hawak nila ang titulong ito pero wala silang ginagawang anumang aktuwal na gawain, inaasikaso lang nila ang ilang nakikita, mapagpaimbabaw na pangkalahatang gawain, o labag sa loob silang gumagawa ng kaunting gawaing espesyal na itinakda ng Itaas. Kung walang espesyal na pagtatalaga mula sa Itaas, wala silang ginagawang mahalagang gawain ng iglesia. Tungkol sa mga usaping may kinalaman sa pagpapanatili ng gawain ng iglesia at ng kaayusan ng buhay iglesia, natatakot silang makapagpasama ng loob ng mga tao at hindi sila naglalakas-loob na magtaguyod ng mga prinsipyo. Hindi nila nilulutas ang anuman sa mga naipong problema sa gawain ng iglesia, at kahit kapag nakikita nilang nilulustay ng mga anticristo at masasamang tao ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, wala silang ginagawa para pigilan o limitahan ito. Sa puso nila, malinaw na alam nilang gumagawa ng masama ang mga taong ito at pinipinsala ng mga ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero nagkukunwari silang walang alam, hindi sila kumikibo. Ito ang mga tuso at mapanlinlang na tao. Hindi ba’t mas tuso ang mga taong ito kaysa sa mga tumanggong? Sa panlabas, mabait sila sa lahat at hindi gumagawa ng mga bagay na nakakapinsala sa kahit na sino, pero inaantala nila ang malaking usapin ng buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, ng gawain ng iglesia, at ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Karapat-dapat bang maging lider at manggagawa ang mga gayong tao? Hindi ba’t mga alipores sila ni Satanas? Hindi ba’t sila ang mga nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia? Bagama’t sa panlabas ay mukhang wala silang ginawang anumang kasamaan na halata, ang mga kinahihinatnan ng paggawa nila sa ganitong paraan ay mas malubha pa kaysa sa paggawa ng kasamaan. Hinahadlangan nila ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, nilalabanan nila ang Diyos, at ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at maaari pa nga nilang wasakin ang pag-asa ng hinirang na mga tao ng Diyos na maligtas. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t paggawa ito ng kasamaan? Ito mismo ang ginagawa ng isang taong mapagpalugod sa mga tao pero hinding-hindi nagtataguyod ng mga prinsipyo. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi lubos na makikita ang kahindik-hindik na mga kinahihinatnan ng ganitong paggawa ng mga huwad na lider, at hindi nila maarok kung ano ang mga layunin, motibo, at layon ng mga ito. Hindi mo kailanman mauunawaan kung ano talaga ang gusto nilang gawin sa puso nila—masyadong tuso ang mga gayong tao! Sa matalinghagang pananalita, sila ay mga tusong tumanggong; sa tumpak na pananalita, sila ay mga buhay na diyablo, mga buhay na diyablo sa gitna ng mga tao!
Pagdating sa kung paano dapat ilarawan ang mga huwad na lider na ito, batay sa disposisyong diwa nila, hindi sila pwedeng basta-bastang ilagay sa kategorya ng masasamang tao, mga anticristo, mga mapagpaimbabaw, at iba pa. Gayumpaman, batay sa ipinapamalas nila, tulad ng mga pagpapamalas ng pagkatao nila at sa saloobin nila sa gawain ng iglesia, pati na rin sa hindi nila pagtugon sa mga problemang natutuklasan nila, sila ang pinaka-imoral na uri ng mga huwad na lider. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas nila, bagama’t hindi sila aktibong bumubuo ng mga paksiyon o nagtatatag ng nagsasarili nilang mga kaharian, at bihira silang magpatotoo sa sarili nila, at bagama’t nakakasundo nila ang mga kapatid, nagtitiis ng hirap, nagbabayad ng halaga, hindi nagnanakaw ng mga handog, at mahigpit pa ngang nililimitahan ang sarili nila mula sa paghahangad ng mga espesyal na pribilehiyo, kapag nahaharap sila sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, o sa mga taong naglulustay ng mga handog at sumisira sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, hindi nila pinipigilan o pinapangasiwaan ang mga ito, wala silang sinasabing anuman o ginagawang anumang gawain. Kahindik-hindik ang mga gayong tao! Sila ang pinakakasuklam-suklam na uri ng mga huwad na lider; hindi na sila matutubos! Bakit Ko sinasabi na hindi na sila matutubos? Hindi dahil mahina ang kakayahan nila o hindi nila maarok ang mga salita ng Diyos—may partikular silang kakayahang makaarok at kakayahan sa gawain, pero kapag natutuklasan nilang may gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila ito pinapangasiwaan o nilulutas. Labag sa loob lang nilang ginagawa ang kaunti sa gawaing ito kapag nahaharap sila sa mahigpit na pagsubaybay at madalas na pagtatanong ng mga nakatataas na lider nila, o kapag pinupungusan sila. Ginagawa man nila o hindi ang gawaing ito, o paano man nila ito ginagawa, ang pinakaunang priyoridad nila ay ang protektahan ang sarili nila. Hindi talaga nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maliban sa pagprotekta sa sarili nila at pangangalaga sa mga sarili nilang interes, wala silang ginagawang mahalagang gawain, at gumagawa lang sila ng kaunting paimbabaw na gawain na wala silang ibang pagpipilian kundi gawin ito. Maliban sa pagprotekta sa sarili nila, wala silang pakialam sa iba pang bagay. Hindi ba’t mas tuso at mas mapanlinlang sila kaysa sa tumanggong? Sinasabi ng ilang tao, “Likas sa tumanggong na kumain ng maliliit na hayop, kaya hindi ba’t likas din sa mga huwad na lider na protektahan ang sarili nila?” Likas ba ito? Kalikasan nila ito! Ang mga huwad na lider na ito ay pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan, reputasyon, at dangal, pinapanatili ang ugnayan sa mga tao, at iniiwasang makapagpasama ng loob ng kahit sino, sa kapahamakan ng mga interes ng sambahayan ng Diyos at kapinsalaan ng gawain ng iglesia. Ni hindi nila personal na pinapangasiwaan ang pagtatanggal o pagbabago ng mga tauhan, sa halip ay itinatalaga nila ang iba na gawin ang mga ito. Iniisip nila, “Kung maghihiganti ang taong iyon, hindi ako ang pupuntiryahin niya. Kailangan ko munang protektahan ang sarili ko sa anumang sitwasyon na kinakaharap ko.” Masyadong tuso ang mga taong ito! Bilang mga lider at manggagawa, hindi man lang nila kayang akuin ang responsabilidad na ito, kaya karapat-dapat ba silang maging lider? Sila ay mga walang silbing duwag! Kung wala sila ng ganitong kaunting tapang, mga mananampalataya pa ba sila sa Diyos? Mga tagasunod ba ng Diyos ang mga tao na gumagamit ng panlalansi para iwasan ang mga responsabilidad nila sa paggawa ng mga tungkulin nila? Ayaw ng Diyos sa mga gayong tao. Ang mga huwad na lider na ito ay kasintuso at kasingmapanlinlang ng mga tumanggong. Kapag nakikita nila na may nagdudulot ng paggambala at panggugulo, hindi nila ito pinapangasiwaan o nilulutas—hindi lang talaga sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Paano man sila ilantad o pungusan, hindi sila kumikilos. Dahil hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, bakit nila inookupa ang posisyong iyon? Para ba maging bahagi sila ng dekorasyon? Para ba magpakasasa sila sa mga pakinabang ng katayuan? Hindi sila kalipikado para doon! Ayaw gumawa ng aktuwal na gawain pero gustong hangaan at idolohin sila ng mga kapatid—hindi ba’t ito ang mentalidad ng isang diyablo? Napakawalang kahihiyan nito! Sinasabi ng ilang tao na ayaw na ayaw nilang maging lider. Kung gayon, bakit nila pinapanatili ang reputasyon at katayuan nila? Ano ang layon nila sa panlilihis sa mga tao? Kung ayaw nilang maging lider, pwede naman silang magbitiw nang kusa. Bakit hindi sila nagbibitiw? Bakit nila inookupa ang posisyong iyon at hindi sila nagbibitiw? Kung ayaw nilang magbitiw, dapat na masipag silang gumawa ng kaunting aktuwal na gawain. Wala nang ibang pagpipilian—ito ang responsabilidad nila. Kung hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain, pinakamainam nang umako sila ng pananagutan at magbitiw sila; hindi nila dapat maantala ang gawain ng iglesia, o mapinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala sila ng kahit kaunting konsensiya at katwirang ito, may pagkatao pa ba sila? Hindi sila karapat-dapat na tawaging tao! Kaya man nilang maging lider o manggagawa, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay karapat-dapat lang na tawaging tao kung mayroon silang kahit kaunting konsensiya at katwiran.
Para maging isang lider o manggagawa, kinakailangang may taglay ang isang tao ng partikular na antas ng kakayahan. Ang kakayahan ng isang tao ang nagtatakda ng kakayahan niya sa gawain at kung gaano niya naaarok ang mga katotohanang prinsipyo. Kung medyo kulang ang kakayahan mo at hindi sapat ang lalim ng pagkaarok mo sa katotohanan, pero nagagawa mong isagawa ang nauunawaan mo sa abot ng makakaya mo, at kaya mong isagawa ang nauunawaan mo, at sa puso mo ay dalisay at matapat ka, at hindi ka nagpapakana para sa sarili mong kapakinabangan o naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ikaw ay isang tamang tao. Gayumpaman, hindi taglay ng mga huwad na lider ang mga katangiang ito. Wala silang pakialam sa iba’t ibang problema ng mga paggambala at panggugulo na lumilitaw sa iglesia; kahit na napapansin nila ang mga problemang ito, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kung tatanungin mo sila kung alam ba nila ang sitwasyon, sasabihin nila, “Tingin ko, may kaunti akong nalalaman tungkol dito, pero hindi lahat.” Nangyari ito sa mismong harapan nila—bakit nila sinasabing hindi nila alam ang tungkol dito? Hindi ba’t sinusubukan nilang lansihin ang mga tao? Dahil alam naman nila ang tungkol dito, napag-isipan na ba nila kung paano ito papangasiwaan? May ginawa na ba sila na anumang gawain? Sinubukan na ba nilang makaisip ng anumang solusyon? Sagot nila, “Mas mahusay ang kakayahan ng taong iyon kaysa sa akin, at mahusay at magaling siyang magsalita; hindi ako naglalakas loob na makialam sa kanya. Paano kung tugunan ko ang isang bagay na hindi naman talaga problema at mapasama ko ang loob niya? Magiging mahirap ang gawain ko pagkatapos niyon!” Dahil hindi sila naglalakas loob, sila ay mga walang silbing duwag at pabaya sa tungkulin nila, at hindi karapat-dapat na maging lider! Kapag nahaharap sila sa ganitong uri ng sitwasyon, alam ba nila kung paano ito pangasiwaan? Sinasabi nila, “Kahit na alam ko kung paano ito pangasiwaan, hindi ako naglalakas loob. Hindi ba’t gawain na iyon ng Itaas? At nariyan din ang grupo ng mga tagapagpasya. Paanong sa akin napupunta ang gampaning ito?” Dahil nakita nila ito at alam nila ang tungkol dito, dapat nilang pangasiwaan ang sitwasyong ito? Kung masyadong mababa ang tayog nila at hindi nila kayang harapin ang isyung ito, nasabi na ba nila sa mga nakatataas sa kanila ang tungkol sa problema? Iniulat na ba nila ito? Nagawa na ba nila ang sakop ng mga responsabilidad nila at ang gawaing nasa saklaw nila? Tinupad man lang ba nila ang anumang responsabilidad nila? Hinding-hindi! Sa puso nila, alam na alam nila: “Alam ko ang tungkol sa isyung ito, pero hindi ako kumilos. Nakokonsensiya ako! Dapat ay iniulat ko ang usaping iyon pero hindi ko ginawa. Pero hindi rin naman ito ginawa ng ibang tao—ano ang kinalaman nito sa akin?” Ang ibang tao ba ay mga lider din? Kung ginawa man ito ng iba o hindi, usapin na nila iyon—bakit hindi ito ginawa ng mga lider na ito? Kung hindi ito ginawa ng ibang tao, ibig bang sabihin na hindi na ito kailangang gawin ng mga lider na ito? Ito ba ang katotohanan? Kahit na ginawa ito ng ibang tao, pwede ba itong maging kapalit ng paggawa ng mga lider na ito? Ang ginagawa ng mga lider na ito ay sarili nilang usapin. Natupad ba nila ang mga responsabilidad at obligasyon nila? Kung hindi, pabaya sila sa tungkulin nila, hindi sila kalipikado na maging mga lider, at dapat silang tumanggap ng pananagutan at magbitiw. Wala silang pagpapahalaga sa kung paano sila itinaas, hindi sila karapat-dapat sa tiwala ng mga kapatid, hindi sila karapat-dapat sa tiwala ng sambahayan ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat sa pagtataas ng Diyos. Sila ay mga buhong na walang puso. Ang ikatlong uri ng huwad na lider ay may problema sa karakter niya. Anuman ang kalagayan ng mga personal niyang paghahangad at buhay pagpasok, batay lang sa katunayan na sa panahon ng panunungkulan niya ay wala siyang ginagawang aktuwal na gawain, hindi niya ibinabalik ang anumang kawalan para sa iglesia, at tiyak na hindi niya agad na napipigilan o napapangasiwaan ang masasamang gawa ng masasamang tao, bukod sa may problema ng mahinang kakayahan at problema sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain ang ganitong uri ng tao, kundi higit sa lahat, wala siyang pagkatao. Bulok na bulok ang konsensiya niya, at wala siyang anumang katwiran. Sa pangkaraniwang wika, imoral siya; sukdulan ang pagkamakasarili at pagkakasuklam-suklam niya, at hindi siya mapagkakatiwalaan. Sa tatlong uri ng mga tao na hinimay natin, ang pagkatao ng ganitong uri ng tao ang pinakamalubha. Ang naunang dalawang uri ng tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila kayang gumawa ng gawain, at hindi nila natutugunan ang mga prinsipyo at pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang at pagtataas ng ranggo ng mga tao, kaya hindi sila pwedeng linangin o gamitin. Napakahina ng kakayahan nila, bulag at manhid sila, at halos mga patay na tao na sila—hindi sila karapat-dapat na ilantad o himayin. Ang ikatlong uri ng tao ang pinaka-ubod ng sama. Sukdulan ang pagiging kasuklam-suklam niya sa usapin ng pagkatao niya, at inilarawan natin ang uri na ito bilang tuso at mapanlinlang. Mas tuso pa ang mga taong ito kaysa sa mga tumanggong. Wala silang ginagawang aktuwal na gawain pero marami silang palusot at panatag na panatag sila. Paano man ginugulo ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi sila nababalisa o nag-aalala tungkol dito at gusto pa rin nilang magpatuloy bilang lider. Bakit ba humaling na humaling sila sa kapangyarihan? Sinasabi ng mga lider na ito, “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa. Lahat ay nagmamahal sa kapangyarihan!” Ayaw nilang gumawa ng aktuwal na gawain pero gusto pa rin nilang kumapit sa posisyon nila at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Anong klaseng buhong ito? Sila ay walang iba kundi mga kauri ni Satanas, hinding-hindi sila mabuti.
Pinagbahaginan natin ngayon ang tatlong punto tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang mga huwad na lider na hinimay natin sa ikalabindalawang responsabilidad ay halos pareho sa mga huwad na lider na inilantad natin noon. Bagama’t tatlong punto ang hinimay natin, pangunahing tinatalakay ng mga ito ang dalawang problema: Ang una ay na mahina ang kakayahan nila at hindi nila kayang gumawa ng aktuwal na gawain; ang isa pa ay na ang pagkatao nila ay ubod ng sama, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Ito ang mga pangunahin, esensiyal na problema ng mga huwad na lider. Hangga’t ang isang tao ay may isa sa dalawang problemang ito, isa siyang huwad na lider. Walang duda rito.
Setyembre 4, 2021