Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 19
Ikalabindalawang Aytem: Agaran At Tumpak Na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Kaganapan, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Gawain Ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan Sila, at Ituwid ang mga Bagay-Bagay; Dagdag pa Rito, Makipagbahaginan Tungkol sa Katotohanan Para Magkaroon ng Pagkilatis sa Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng Gayong mga Bagay at Matuto Mula sa mga ito (Ikapitong Bahagi)
Ang Iba’t Ibang Tao, Kaganapan, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Buhay Iglesia
Ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa mga Taong Nakikipagrelasyon Nang Di-wasto
Tungkol sa iba’t ibang tao, kaganapan, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, hinati natin ang mga ito sa labing-isang isyu sa kabuuan. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikaanim na isyu—ang pakikipagrelasyon nang di-wasto. Ano ang pangunahing tinutukoy nito? Ang basta-bastang pang-aakit ng iba at ang pakikipagrelasyon nang may seksuwal na pagnanasa. Ano ang napagbahaginan tungkol sa aspektong ito? Kapag lumilitaw ang mga gayong tao sa iglesia, paano sila dapat pangasiwaan? Ano ang mga solusyon? Dapat ba tayong magbulag-bulagan at hayaang magpatuloy ito nang hindi nasusuri, o dapat ba nating lutasin ang problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Dapat ba natin itong iwasan o dapat ba nating impluwensiyahan ang mga sangkot nang may pagmamahal? Dapat ba tayong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan o dapat ba natin silang bigyan ng babala at paalisin? Ano ang pinakaangkop na paraan para pangasiwaan ito? (Balaan at paghigpitan ang mga sangkot. Kung hindi sila mapaghihigpitan, paalisin sila.) Paano sila dapat paghigpitan? Madali bang gawin ito? Kapag nangyayari ang mga gayong usapin, kadalasan ay hindi madaling paghigpitan ang mga sangkot. May ilang tao na nakakapansin sa gayong sitwasyon at nararamdaman nilang hindi ito wasto, pero nahihiya silang magsalita. Ang iba naman ay maaaring magpahiwatig nang di-tuwiran tungkol dito, pero hindi naman nakikinig ang mga sangkot. Kumusta ang pagkatao ng lahat ng tao na nagagawang basta-bastang mang-akit ng iba? Sila ba ay mga tao na marangal at matuwid? Sila ba ay mga tao na may asal ng mga banal? Sila ba ay mga tao na may dignidad at kahihiyan? (Hindi.) Kung may normal lang na magpapaalala sa kanila gamit ang mga salita o makikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, malulutas ba nito ang problema? Hindi. Kapag nangyayari ang gayong usapin, ibig sabihin ay matagal na itong umuusbong sa puso nila. Sa puntong iyon, madali ba itong kontrolin? Malulutas ba ang problema sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila o pagsubok na impluwensiyahan sila nang may pagmamahal? (Hindi.) Kaya, ano ang pinakamainam na solusyon? Ito ay ang paalisin ang mga gayong tao, ihiwalay sila mula sa mga sinserong nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin, at huwag silang hayaang patuloy na manggulo at makapinsala sa iba.
Sa kasalukuyan, sa ilang iglesia, walang tigil na lumalabas ang mga insidente ng mga lalaki at babae na nang-aakit sa isa’t isa. Basta’t magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na ito, inaakit nila ang isa’t isa, umaasal sila nang walang pakundangan at nang walang anumang kahihiyan. Nabalitaan Ko ang tungkol sa isang lalaki na nang-akit ng maraming babae; hindi siya seryosong nakikipagligawan kundi basta-bastang nang-aakit at kumakapit sa sinumang babae na makilala niya. Sinasabi ng ilang tao, “Normal lang naman silang nakikitungo sa isa’t isa; ganoon lang talaga sila makitungo.” Para sa karamihan ng tao, ang ganoong pakikitungo ay di-nakakapagpatibay, nakakasuklam, at nakakadiri. Hindi ba’t problema ito? Mapapatunayan ba nitong hindi tama ang mga gayong relasyon? Kung ang pagliligawan ng dalawang tao ay hindi lang nakakaapekto sa sarili nilang paggampan ng mga tungkulin kundi pati na rin sa iba, dapat silang paghigpitan. Hindi sila dapat pahintulutang magligawan sa loob ng buhay iglesia, lalo na sa isang iglesia na may buong-panahong tungkulin, dahil nakakaapekto ito sa paggampan ng tungkulin ng iba at nakakasama sa gawain ng iglesia. Kapag kaya na nilang magpokus sa mga tungkulin nila, pwede na silang bumalik sa iglesia na may buong-panahong tungkulin para gawin ang mga tungkulin nila. May ilang tao na hindi seryosong nakikipagligawan kundi basta-bastang nang-aakit at kumakapit sa iba, nilalaro ang mga seksuwal na pagnanasa, ginugulo ang buhay iglesia, nakakaapekto sa lagay ng loob ng mga tao, at ginugulo ang iba. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na isang kaguluhan sa gawain ng iglesia at dapat itong lutasin at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo; dapat ihiwalay at paalisin kaagad ang mga tao na ito. Madali bang pangasiwaan ang problemang ito? Walang sinuman ang dapat pahintulutang manggulo at manggambala sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia, at dapat pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ang mga gayong isyu. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga sitwasyon kung saan walang ibang gagawa ng mga tungkulin nila kung papangasiwaan sila, hindi sila pwedeng pangasiwaan; dapat ay hayaan na lang silang magpatuloy at mang-akit ng iba gaya ng gusto nila. Paano man sila mang-akit ng iba, dapat itong pahintulutan.” May gayon bang tuntunin ang sambahayan ng Diyos? May gayon bang prinsipyo sa pakikipagbahaginan noong nakaraang pagtitipon tungkol sa kung paano pangasiwaan ang mga gayong tao? (Wala.) Kapag nakakaranas ng mga gayong sitwasyon, nalilito ang mga lider at superbisor ng iglesia at hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito, hinahayaan nila ang mga taong ito na basta-bastang mang-akit ng ibang tao sa iglesia, dahil dito, naaasiwa at hindi napapatibay ang mga tao, nasusuklam sila sa puso nila pero hindi sila naglalakas-loob na magsalita at kinakailangan nilang tiisin ito. Naniniwala ang mga lider at superbisor na hindi makakapagpatuloy ang gawain ng iglesia at ang sambahayan ng Diyos kung wala ang mga tao na ito, na kung papalayasin ang mga tao na ito na basta-bastang nang-aakit, mababawasan ang mga tao na gagawa ng gawain. Tama ba ang lohikang ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi magagawa ng mga tao na ito ang gawain; hindi sila handang gawin ito.) Tumpak iyan. Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang may kakayahang basta-bastang mang-akit ng iba? Wala silang pagpipigil kahit kaunti; sila ay mga hindi mananampalataya, mga walang pananampalataya. Hindi lang sa sila ay hindi nagmamahal sa katotohanan, tutol sa katotohanan, may kaunting pananampalataya, bata, at mababaw ang pundasyon—hindi lang iyon. Lahat ba ng walang pananampalataya na hindi nananampalataya sa Diyos ay may kakayahang basta-bastang mang-akit ng iba? May kakayahan ba silang lahat na lumahok sa malalaswang gawain? Hindi lahat; may ilan pa rin sa kanila na nagpapahalaga sa integridad at dignidad, nagmamalasakit sa reputasyon nila, at may pamantayan sa asal nila. Ang mga diumano’y mananampalataya sa Diyos na ito ay hindi mas mabuti kaysa sa mga walang pananampalataya, kaya, kalabisan bang tawagin silang mga walang pananampalataya at mga hindi mananampalataya? (Hindi.) Bagama’t kayang magtrabaho ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, batay sa kalikasan nila, sila ay mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Wala silang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila at ang pag-asal nila ay walang pamantayan, walang dignidad, at walang kahihiyan. Itinataguyod pa nga ng mga walang pananampalataya ang ideya na, “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”; pero ni ayaw ng mga taong ito na panatilihin ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, kaya magagawa ba nilang naisin ang katotohanan? Magagawa ba nilang sinserong gumugol para sa Diyos? Magagawa ba nilang kumilos nang ayon sa mga prinsipyo sa tungkulin nila? Hinding-hindi! Nagtatrabaho lang sila, wala nang iba. Walang taglay na anumang katotohanan ang mga tao na nagtatrabaho; nakakagambala at nakakagulo ang pagtatrabaho nila, at hindi nito naaabot ang pamantayan ng paggawa ng tungkulin. Kahit na sa panlabas ay tila ginagawa nila ang tungkulin nila, gaano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo, sadyang hindi sila nakikinig. Ginagawa nila ang anumang gusto nila, hindi sila kumikilos nang ayon sa mga prinsipyo. Kapag nakikinig sa mga sermon ang mga taong ito, inilalantad ng kilos at mga ekspresyon nila ang diwa nila bilang mga hindi mananampalataya. Ang ibang tao ay nakaupo nang tuwid, nakikinig nang seryoso at mabuti, pero paano nakikinig ang mga taong ito? Ang ilan ay nakasandal sa mesa, nag-iinat at madalas na humihikab, hindi umuupo nang maayos, na parang hindi tao ang hitsura. Anong uri ng mga tao iyong mga hindi mukhang tao? Hindi talaga sila mga tao; nagkukunwari lang silang tao. Ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo ang grupo ng mga “reptil” na ito na dumadalo para makinig sa mga sermon? Hindi ba’t nakakaasiwa ito? (Oo.) Kasuklam-suklam ang grupong ito, at nawawalan Ako ng gana magsalita kapag nakikita Ko sila. Mga tao ang kinakausap Ko, hindi mga reptil. Pwede? Pwede bang lumago ang pananalig nila sa Diyos at mas malinaw nilang maunawaan ang katotohanan habang mas ginagawa nila ang tungkulin nila? Hinding-hindi! Paano man nila gawin ang tungkulin nila, hindi lumalago ang tayog at pananalig nila. Ginagawa nila ang lahat ng bagay nang walang pakundangan at nang walang pagpipigil, namumuhay sila sa mga pagnanasa ng laman at sa mga tiwaling disposisyon, nang walang anumang kamalayan, panunumbat sa sarili, o disiplina—sila ay mga hindi tao! Para sa mga gayong tao, kahit hindi isaalang-alang ang iba pang masasama nilang ginawa o ang mga kilos nila na lumabag sa mga prinsipyo at nakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang pakikipagrelasyon nang di-wasto ay sapat nang dahilan para paalisin sila. Isa itong napakasimpleng usapin, pero nagkakamot lang ng ulo ang mga lider at superbisor, hindi nila alam kung paano ito papangasiwaan. Napakadaling pangasiwaan ng usaping ito; napagbahaginan na ito noon. Dapat itong pangasiwaan nang ayon sa mga prinsipyo, at ang mga dapat paalisin ay dapat nang paalisin. Huwag na itong pag-isipan pa nang husto; magpapatuloy nang maayos ang gawain ng sambahayan ng Diyos kahit wala sila. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat gawin ng isang tao kung makakita siya ng dumi ng aso sa isang lugar? Dapat niya itong linisin agad; kung hindi agad na lilinisin, lalangawin at lalamukin agad ang lugar, at hindi mapapayapa ang mga tao sa gayong lugar. Ano ang ibig Kong sabihin dito? (Para malutas ang problema sa iglesia ng pakikipagrelasyon nang di-wasto, ang unang hakbang ay alisin ang mga hindi mananampalataya na ubod ng sama.) Oo, iyan mismo ang ibig Kong sabihin. Kung may mga tao sa iglesia na katulad ng “mabahong dumi ng aso,” tiyak na lalapitan sila ng ilang “mabahong langaw.” Sa pamamagitan ng paglilinis sa mabahong dumi ng aso, kusang mawawala ang mga langaw na ito. Hindi ba’t isa itong solusyon? Makatwiran ba ang solusyong ito? (Oo.) Sa pagharap sa mga gayong isyu, palaging may mga alalahanin ang ilang lider ng iglesia, sinasabi nila, “Kung aalisin natin ang mga basta-bastang nang-aakit ng iba, hindi ba’t mababawasan ang mga tao na gagawa ng gawain?” Problema ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Paano dapat lutasin ang alalahaning ito? Kahit pa may katuturan ang alalahanin nila, iniisip na kung masyadong mahigpit ang mga hinihingi sa mga tao at papaalisin ang mga tao na kayang gumawa ng gawain, wala nang gagawa ng bahaging ito ng gawain, hindi ba’t madaling makahanap ng ibang tao na may kakayahan para palitan ang mga tao na iyon? (Oo.) At kahit hindi agad makahanap ng mga kapalit, pwedeng sa susunod na lang gawin ang gawain kapag nakahanap na ng mga angkop na tao nang hindi naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na hindi gumagawa nang wastong gawain. Kung magagawa nilang magsisi at tumuon sa mga wastong gampanin, pwede nilang patuloy na gawin ang gawain, pero kung hindi sila magsisisi, dapat silang tanggalin sa paggampan ng tungkulin nila. Hindi ba’t makatwiran at rasonable ito? Mas pipiliin pang suportahan ng sambahayan ng Diyos ang mga trabahador kaysa sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Tama ba ang prinsipyong ito? (Oo.) Paano ito naging tama? Kahit hindi naghahangad sa katotohanan ang isang trabahador, handa pa rin siyang magtrabaho, at kaya niyang magsikap nang maayos at nang masunurin sa sambahayan ng Diyos. Kahit na nagpapakapagod lang siya, tapat siya, at kahit papaano, hindi siya masamang tao. Ganito ang uri ng mga tao na pinapanatili ng sambahayan ng Diyos. Kung ang isang tao ay di-mabuti at ubod ng sama, palaging gumagawa ng mga baliko at imoral na gawain, at kung hindi man lang siya makapagtrabaho nang maayos at hindi pasok sa pamantayan bilang isang trabahador, kung gayon, hindi mananampalataya ang gayong tao, at hindi siya pinapanatili ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, hindi dahil siya ay trabahador kaya hindi siya pinapanatili ng sambahayan ng Diyos, kundi dahil ang pagtatrabaho niya ay hindi man lang pasok sa pamantayan, dahil kahit ang pagtatrabaho niya ay transaksiyonal. Ito ay dahil palagi niyang gustong gumawa ng masama at manggulo, palaging sinusubukang gumawa ng mga baliko at imoral na mga gawain sa iglesia, sinisira ang kaayusan ng gawain ng iglesia at naaapektuhan ang paggampan sa tungkulin ng karamihan ng tao. Ginagawa niyang tiwali ang kalagayan ng iglesia at binibigyang-kahihiyan ang pangalan ng Diyos—wala nang mas naaangkop pa kaysa sa pagpapaalis sa kanya. Saanman may mga tao na katulad ng “mababahong dumi ng aso,” dapat agad na paalisin sila. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)
XI. Pagmamanipula at Pagsabotahe sa mga Halalan
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, kaganapan, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan sila, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto mula sa mga ito.” Ano ang ikalabing-isang isyu ng ikalabindalawang responsabilidad na ito? (Pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan.) Nagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan noong pinagbabahaginan at inilalantad natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, hindi ba? (Oo.) Ang mga pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kasamang mga tuntunin para sa mga halalan sa iglesia. Ang mga halalan ay pwedeng isagawa minsan sa isang taon, at pwede ring magkaroon ng mga halalan sa ilalim ng ilang natatanging sitwasyon. Ang lahat ng iglesia ay dapat pumili ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas nang ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Kasama sa mga tuntunin ng mga halalan ang mga prinsipyong panghalalan, ang mga pamantayan para sa pagpili ng mga tao, ang mga hakbang at pamamaraan ng halalan, at iba’t ibang mahalagang usapin na kailangang malaman ng mga kapatid sa panahon ng mga halalan. Siyempre, bago ang bawat halalan, ang mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ay dapat magbahaginan tungkol sa lahat ng aspekto ng mga prinsipyong panghalalan para masigurong malinaw na maunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito. Sa ganitong paraan, magiging mas maganda ang mga resulta ng halalan. Hindi natin pagbabahaginan ngayon ang mga detalye ng mga halalan; ang pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon ay ang ilang pagpapamalas ng pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan.
A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagmamanipula at Pagsabotahe sa mga Halalan
Ang mga halalan sa iglesia ay kailangang mahigpit na sumunod sa mga prinsipyong panghalalan na itinakda ng sambahayan ng Diyos para mapili ang mga kandidatong pinakaangkop na maging mga lider at manggagawa. Kung nalalabag ang mga prinsipyong panghalalan at gumamit ng ibang pamamaraan ng halalan, pakana ito ng mga huwad na lider at mga anticristo. Dapat ipagbawal ng sambahayan ng Diyos ang mga gayong paglabag at imbestigahan at pangasiwaan ang mga pangunahing indibidwal na nagmanipula sa mga halalan. Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, mabubunyag ang iba’t ibang tao, at malalantad ang iba’t ibang mentalidad ng mga tao. May ilang tao na gumagawa ng mga lihim na pakana kapag walang nakakakita para sila ang mahalal na mga lider o para mahalal ang mga taong kapaki-pakinabang sa kanila. Halimbawa, natatakot ang ilang tao na ang mga naghahangad sa katotohanan ang mahahalal na mga lider at magiging banta sa katayuan nila, at kaya nagsisikap sila na husgahan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito tungkol sa mga kahinaang ipinakita ng mga ito at sa mga pagkakamaling nagawa ng mga ito, kinokondena nila ang mga taong ito bilang mayayabang at mga mapagmatuwid na may disposisyon ng mga anticristo, at iba pa, ginagawa nila ang lahat ng ito para matalo sa halalan ang mga taong ito. Ang iba, para mahalal na lider, ay bumibili ng magagarang kagamitan para isuhol sa mga tao sa panahon ng halalan o nangangako sila gamit ang mga salitang magandang pakinggan, at gumagamit din sila ng iba’t ibang paraan para hikayatin at udyukan ang iba sa kung sino ang iboboto o hindi iboboto. Anuman ang ginagamit nilang mga diskarte at pamamaraan, ang lahat ng ito ay para manipulahin ang mga halalan at impluwensiyahan ang mga resulta ng halalan. Kahit na paulit-ulit na nakikipagbahaginan ang iglesia tungkol sa mga prinsipyo ng mga halalan—tulad ng pagpili ng mga may mabuting pagkatao, mga naghahangad sa katotohanan, at may kakayahang umakay sa mga kapatid na gawin nang normal ang mga tungkulin nila, normal na magbasa ng mga salita ng Diyos, at pumasok sa katotohanang realidad, at iba pang gayong prinsipyo—sadyang hindi nakikinig ang mga tao na ito at gumagawa pa rin sila ng mga lihim na pakana. Ano ang ibig sabihin ng paggawa ng mga lihim na pakana? Ibig sabihin ay palagi nilang gustong mandaya. Hindi nila kailanman hayagang sinusuri kung sino ang mabuti at sino ang hindi, palagi nilang gustong gumawa ng mga lihim na pakana at tusong plano at balak nang walang nakakakita. Pinaplano pa nga nila nang lihim kung sino ang dapat ihalal at hindi dapat ihalal, sinusubukang kumbinsihin ang lahat na magkasundo. Hindi ba’t mga lihim na pakana ang mga ito? Hindi ba’t pandaraya ito? (Oo.) Ito ba ay pagtataguyod sa halalan nang hayagan at tapat nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi—gumagamit sila ng mga pakana at pamamaraan ng tao para mapangahas na manipulahin ang mga halalan. Ano ang layon nila sa pagmamanipula ng mga halalan? Gusto nilang kontrolin ang mga resulta ng halalan, gusto nilang sila ang mahalal, at kung hindi sila mahahalal, gusto nilang pagdesisyunan kung sino ang mahahalal, kaya lihim silang nagpapakana kapag walang nakakakita. Hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid; isinasaalang-alang lang nila ang pansarili nilang mga interes. Kapag may mga halalan, ang sarili nilang mga layunin at pagnanais ang pinakaunang priyoridad nila. Kaya bakit nila gustong manipulahin ang mga halalan? Kung tunay na gustong dalhin ng isang tao ang mga kapatid sa harap ng Diyos at sa katotohanang realidad, kikilos ba siya nang ganito? Magkakaroon ba siya ng mga gayong ambisyon? Magpapakita ba siya ng gayong pag-uugali? Hindi. Tanging ang mga may lihim na motibo, ambisyon, at pagnanais na gustong manipulahin ang mga halalan ng iglesia ang kikilos nang ganito. Sa loob ng iglesia, kinakalap nila ang ilang tao na nakakasundo nila, kapareho nila ng mga pananaw, at kapareho nila ng mga motibo at pakay, at binibitag din nila ang ilang tao na karaniwang mahina, hindi masyadong naghahangad sa katotohanan, magulo ang isip, ignorante, at madaling maimpluwensiyahan at manipulahin, bumubuo sila ng pwersang magpapagulo sa gawain ng halalan ng iglesia. Ang layon nila sa pagkontra sa iglesia ay para sila ang mahalal, para sila ang may huling salita sa mga resulta ng halalan. Gusto nilang mahalal ang mga tao na pauna na nilang itinakda, ang mga kapaki-pakinabang sa kanila. Kung ang mga tao na ito ang mahahalal, nagtagumpay na ang kanilang plano. Tama ba o mali ang magiging resulta ng gayong halalan? (Mali.) Tiyak na magiging mali ito. Ang mga nahalal sa isang halalang naimpluwensiyahan ng masasamang tao ay tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa masasamang tao. Bakit magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa masasamang tao? Dahil makakakilos ang masasamang tao nang sutil at walang ingat, at makakapanggulo sila sa iglesia nang walang sinumang nangangahas na maglantad sa kanila o paghigpitan sila. Hindi sila mapapaalis, samantalang ibubukod at aapihin nila ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang iglesia ay magiging teritoryo ng masasamang tao. Malinaw naman na tiyak na mali ang resulta ng isang halalang namanipula ng masasamang tao; tiyak na salungat ito sa opinyon ng nakararami at lumalabag sa mga prinsipyo. Ang mga lider ng iglesia at ang mga kapatid ay dapat maging mulat at mapagmatyag sa lahat ng kilos at galaw ng mga tao na ito sa panahon ng mga halalan. Hindi dapat maging magulo ang isip nila tungkol dito. Sa sandaling matuklasan ang mga palatandaan ng pagmamanipula at pagsabotahe ng halalan, dapat agad na gumawa ng mga hakbang para pigilan ang mga kasangkot, at kung hindi mapipigilan ang mga tao na ito, dapat silang ihiwalay. Ang mga tao na ito ay lubos na mapangahas, walang pagpipigil, at mahirap kontrolin. Para isabotahe ang mga halalan at manipulahin ang mga resulta, tiyak na gagawa sila ng mga lihim na pakana kapag walang nakakakita, magsasabi at gagawa sila ng maraming bagay. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Madaling pangasiwaan ang usapin. Kung natuklasan ng mga lider ng iglesia ang problema, dapat nila itong ilantad at isapubliko, dapat nilang himukin ang mga kapatid na magbahaginan tungkol sa kalubhaan at mga kahihinatnan ng usaping ito, at kung ano talaga ang kalikasan ng mga gayong kilos. Sa huli, dapat silang gumawa ng mga partikular na hakbang. Anong mga hakbang ang dapat gawin? Ang sinumang palaging lihim na nagpapakana kapag walang nakakakita at nagtatangkang manipulahin at isabotahe ang mga halalan ay dapat na pangasiwaan nang walang pag-aatubili at pagbawalan sa paglahok sa mga halalan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay hindi bibilangin ang boto nila. Kahit gaano karami ang sangkot sa pagmamanipula at pagsasabotahe ng halalan, dapat na mapawalang-bisa ang lahat ng boto nila, at hindi sila dapat pahintulutang makilahok sa halalan. Sinuman ang nalihis at nagulo, basta’t sinunod nila ang mga gawi ng mga nagmamanipula sa halalan at nakipagsabwatan sila sa masasamang tao para sadyang pinsalain ang halalan, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na tumindig para ilantad sila at bawiin ang karapatan nilang makilahok sa mga halalan. Mabuti ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Ito ay ginagawa para ganap na protektahan ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t tumatanggi ang mga tao na ito na tumanggap ng mga paghihigpit? Hindi ba’t tumatanggi silang tanggapin ang mga prinsipyong panghalalan ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t gusto nilang sila ang may huling salita? Kung sila ang may huling salita, si Satanas ang siyang may huling salita. Ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia ay mga lugar kung saan naghahari ang katotohanan; hindi pwedeng payagan na si Satanas ang magpasya. Dahil gusto ng mga tao na ito na lihim na magpakana at sadyang manipulahin at isabotahe ang halalang ito, simple lang ito—ipinawalang-bisa ang mga boto nila. Sinuman ang iboto nila, wala itong silbi; wala sa mga opinyon nila ang may bisa, at kahit magpilit silang tumakbo sa halalan, hindi iyon uubra. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga atas administratibo at regulasyon, at ang karapatan nilang makilahok sa halalang ito ay binawi at kinansela na. Kung manggugulo pa rin sila sa susunod na halalan, tuluyan nang babawiin ang karapatan nilang makilahok sa mga halalan, at hinding-hindi na sila pahihintulutang lumahok kailanman. Ganito dapat pangasiwaan ang mga palaging lihim na nagpapakana para manipulahin at isabotahe ang mga halalan.
Tuwing may halalan sa iglesia, palaging may masasamang tao na nagsisimula nang hindi mapakali: May ilan na lihim na nagpapakana kapag walang nakakakita para manipulahin at isabotahe ang halalan, habang may iba namang sabik na makipagkompetensiya nang hayagan sa iba para sa posisyon ng pamumuno, nakikipagtalo sila hanggang sa mamula na ang mukha nila, minsan pa nga ay halos kumilos na sila nang padalos-dalos, marahas, at mapanakit, kaya hindi na alam ng mga kapatid kung kanino sila makikinig o kung sino ang ihahalal nila. Sa panahon ng halalan, hindi sila nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, hindi rin nila tinatalakay kung paano nila isasagawa ang mga gawain ng iglesia, kung ano ang magiging mga landas sa gawain, o kung ano ang mga ideya at planong ihahain nila kung sila ang mahalal na lider. Sa halip, tinitiyak nila na malalantad ang mga kahinaan ng ibang kandidato at binabatikos nila ang mga taong ito, habang hinihikayat nila ang isang grupo ng mga tao para bumuo ng oposisyon laban sa isa pang grupo, na nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak sa iglesia. Ano na ang nangyayari sa gayong halalan? Nagsanhi na ito ng pagkakawatak-watak sa iglesia. Bago pa man lumabas ang mga resulta ng halalan, nagkawatak-watak na ang iglesia. Isa ba itong penomeno na dapat mangyari sa panahon ng halalan ng iglesia? Isa ba itong normal na penomeno? Hindi, hindi ito normal. Kung gusto mong maging lider at naniniwala kang mayroon kang ilang kakayahan at pagpapahalaga sa pasanin at kalipikado ka para sa gawaing ito, pwede kang makilahok sa halalan nang alinsunod sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, pwede mo ring ipahayag ang mga kalakasan at merito mo at makipagbahaginan ka tungkol mga pagkaunawa at karanasan mo, para mahikayat ang mga kapatid at magtiwala sila sa iyo na mamuno sa gawain ng iglesia. Gayumpaman, hindi mo dapat kamtin ang layon mong manalo sa halalan sa pamamagitan ng pambabatikos sa iba, dahil madali itong makapanlilihis sa mga tao at magdudulot ng mga negatibong kahihinatnan. Ang mga kapatid na may mababang tayog at walang pagkilatis ay madali mong maililihis at hindi nila malalaman kung sino ang dapat nilang piliin, at pwede ring magkaroon ng malaking kaguluhan at pagkakawatak-watak sa iglesia. Hindi ba’t mabibigyan niyon si Satanas ng pagkakataong masasamantala nito? Sa madaling salita, ang pakikilahok sa halalan nang hindi sinusunod ang mga prinsipyo, at palaging pagkakaroon ng mga ambisyon at pagnanais, at paggamit ng mga kasuklam-suklam na pamamaraan para makamit ang layong manalo sa halalan ay pawang uri ng pagmamanipula at pagsabotahe sa halalan at hindi wastong pag-uugali sa halalan. Siyempre, may mga tao namang may tamang pag-uugali na dapat itangi mula rito. Halimbawa, kung ang isang kandidato ay nakikipagbahaginan tungkol sa kung paano gagawin nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, tulad ng gawaing ebanghelyo, gawaing panteksto, at mga gawain sa pangkalahatang usapin, o kung paano mapapabuti ang buhay iglesia, paano malulutas ang mga suliranin ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok nila, at iba pa, wasto ang lahat ng ito. Ang wastong pagpapahayag ng mga pananaw at pagkaunawa, ang pagbabahagi ng mga ideya at plano tungkol sa gawain ng iglesia, at iba pa—lahat ng ito ay bahagi ng normal na pananalita at pag-uugali, at tumutugma ang mga ito sa mga prinsipyong panghalalan na itinakda ng iglesia. Maliban sa mga ito, ang anumang hindi wastong pag-uugali na ipinapakita sa panahon ng halalan na halatang-halata ay dapat mapansin ng mga tao. Kailangan maging mapagmatyag ang mga tao at kilatisin nila ang mga ito—huwag maging pabaya.
Madalas banggitin ng ilang tao ang pagiging abala sa gawain, pagkakaroon ng maraming isyu sa pamilya nila, o hindi angkop na kapaligiran bilang mga dahilan kaya hindi nila magawa ang mga tungkulin nila at hindi sila makalahok sa buhay iglesia. Gayumpaman, kapag dumating na ang panahon ng halalan para pumili ng mga lider ng iglesia, biglang nawawala ang mga suliraning ito, at metikuloso silang nagbibihis para sa okasyon at dumarating para makilahok sa halalan. Matagal na silang hindi dumadalo, pero nang marinig nila ang magandang balita tungkol sa halalan ng iglesia, dali-dali at sabik na sabik silang nagpupunta. Ano ang ipinupunta nila? Nagpunta sila para sa halalan, para sa posisyon ng lider ng iglesia, para sa “opisyal na posisyon” na ito. Labis na tuso ang mga kilos ng mga gayong tao. Dahil nangangamba sila na maghihinala ang iba na gusto nilang maging lider ng iglesia, iniiwasan nilang banggitin ang halalan at nakatutoklang sila sa pakikipagbahaginan tungkol sa mga pagkaunawa at karanasan nila para makuha nila ang paghanga ng iba. Ipinapakita rin nila sa iba na kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos, na inaakay nila ang lahat na makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at ibinabahagi ang kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Sa katunayan, karaniwan ay bihirang-bihira silang makilahok sa buhay iglesia at madalang silang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi rin nila kayang magsalita tungkol sa mga pagkaunawang batay sa karanasan. Gayumpaman, kapag papalapit na ang halalan, nag-iiba sila nang husto. Aktibo silang nakikilahok sa buhay iglesia at sabik silang magdasal, kumanta ng mga himno, at makipagbahaginan, mukha silang ganadong-ganado at maagap at talagang namumukod-tangi. Pagkatapos ng mga pagtitipon, naghahanap sila ng mga pagkakataon para makipag-usap sa mga kapatid tungkol sa mga usapin ng pamilya at makabuo ng mga koneksiyon. Kapag nakikita nila ang isang lider ng iglesia, sinasabi nila, “Mukhang hindi maganda ang kalagayan mo ngayon. Mayroon akong mga datiles sa bahay; dadalhan kita.” Kapag nakikita nila ang isang partikular na sister, sinasabi nila, “Nabalitaan kong may problema sa pinansiyal ang pamilya mo ngayon. Kailangan mo ba ng tulong? Pwede kitang bigyan ng ilang damit.” Napakaaktibo nila sa bawat pagtitipon, ibang-iba sila kumpara dati. Noon, paminsan-minsan silang dumadalo para lang mangumusta, at kahit sino pa ang mag-anyaya sa kanila na dumalo sa pagtitipon, magdadahilan sila na kesyo abala sila. Pero sa panahon ng halalan, bigla na lang silang lumilitaw at nakikilahok sa bawat pagtitipon nang walang pinalalagpas na kahit isa. Sa bawat pagtitipon, nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa mga usapin at prinsipyo na may kinalaman sa halalan, at siyempre, nakikilahok din sila. Sa panahong ito, nagsusumikap silang magkaroon ng magagandang ugnayan sa mga kapatid, nagsusumikap silang makuha ang loob ng ilan sa mga ito. Nagbibigay pa sila ng maraming handog sa harap ng mga kapatid, na ikinakagulat ng maraming tao, iniisip ng mga ito, “Napakatagal na nilang nananampalataya sa Diyos, pero hindi pa namin sila nakitang nagbigay ng handog. Bakit kaya napakaluwag na nila ngayon sa pagbibigay? Talaga bang nagpanibagong-hubog na sila at itinuwid na ang kanilang sarili.” Ang ilang tao na mangmang at ignorante na hindi marunong magsuri ng mga bagay ay iniisip na talagang nagpanibagong-hubog na ang taong ito, na nagkamali sila ng paghusga dati rito, at hindi namamalayang nagkakaroon sila ng paborableng impresyon sa tao na ito sa puso nila, iniisip nila, “May kaya ang pamilya ng tao na ito, may mga koneksiyon at paraan siya para magawa ang mga bagay. Kung siya ang maging lider ng iglesia, marami siyang magagawa para sa iglesia. Hindi ba’t makakatulong ito sa ating iglesia sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatuloy sa mga kapatid na tinutugis at may mga suliranin? Kung magagawa niyang patuloy na maging ganito kaaktibo, magiging maganda, pero hindi ako sigurado kung mapapanindigan niya ito o kung magiging handa siyang maging lider ng iglesia namin.” Hindi ba’t nalihis at naloko na ang ilang tao? Ang lahat ng ginagawa ng taong ito ay nagsisimula nang magbunga, hindi ba? Unti-unti nang natutupad ang mga plano at malapit nang magkaroon ng mga resulta. Hindi ba’t ito ang gusto nila? (Oo.) Dagdag pa rito, nagbibigay sila ng dalawang piraso ng damit sa isang tao, isang basket ng gulay sa isa pa, at mga health supplements sa iba pang tao, tinitiyak nilang naaasikaso ang lahat. Napapaisip ang mga tao dahil dito, “Kung ang tao na ito ay maging lider ng iglesia, hindi ba’t magiging mahusay siyang pastol? Hindi ba’t siya ang tipo ng tao na gustong sandalan ng karamihan ng tao?” Hindi ba’t tamang-tama na ang pagkakataon ngayon? Hindi ba’t madaling pipiliin ng mga kapatid ang ganitong klase ng tao? Ang tao na ito ay edukado, mahusay magsalita, at may partikular na katayuan sa lipunan. Kung nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, mapoprotektahan niya ang mga kapatid. Kung may mga suliranin ang pamilya ng mga kapatid, kaya niyang mag-abot ng tulong, at pwede rin siyang tumulong sa mga gawain ng iglesia kapag nangangailangan ng mas maraming tulong.” Gayumpaman, may isang bagay na hindi nakatitiyak ang karamihan ng tao: “Dati, hindi naman niya hinahangad ang katotohanan, at bihira siyang dumalo sa mga pagtitipon sa loob ng mahabang panahon. Pero ngayon, kapag panahon na ng halalan, dali-dali siyang dumadalo sa ilang pagtitipon. Kung mahalal siya bilang lider, mauunawaan ba niya ang katotohanan? Kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan at kaya lang niyang protektahan ang mga tao o magbigay ng ilang pakinabang sa kanila, matutulungan ba niya ang mga tao na maunawaan ang katotohanan? Madadala ba niya ang mga tao sa harap ng Diyos? Kuwestiyonable ito.” May pagdududa ang ilang tao sa puso nila, habang may ilan na naimpluwensiyahan at nakumbinsi na ng mga pakinabang ng tao na ito. Hindi ba’t napakadelikado ng sitwasyong ito? Dahil lang sa isang boto ay pwede na silang mahalal. Anuman ang magiging resulta ng halalan sa huli, wasto ba ang mga kilos at pag-uugali ng mga gayong tao? (Hindi.) Sa pinakamahahalagang sandali, sila ay nagbibigay ng mga limos, naghahandog, at tumutulong sa mga kapatid sa paglutas ng ilang tunay na suliranin. Kapag may mga kapatid na lumilipat ng bahay, nagpapahiram sila ng sasakyan, at kapag may mga kapatid na walang sapat na pera, nagpapautang sila. Kapag may mga kapatid na walang telepono, binibilhan nila ang mga ito, at kapag may kapatid na walang computer, ibinibigay nila sa mga ito ang sarili nilang computer. … Ginagawa nila ang mga bagay na ito sa pinakamahahalagang sandali, sa mga pinakakritikal na pagkakataon. Anong klaseng pag-uugali ito? Hindi ba’t pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan ang paggawa ng mga bagay na ito nang may layuning makipagkompetensiya para sa posisyon ng lider, nang may kahiya-hiyang mga lihim at layon? (Oo.) Hindi sila dumarating nang maaga o huli, kundi dumarating sila sa mismong panahon ng halalan sa posisyon ng lider. Hindi ba’t nagkikimkim sila ng mga kahiya-hiyang lihim? Halatang-halata ito; tiyak na nagkikimkim sila ng mga kahiya-hiyang lihim. Hindi ito dahil sa bigla silang nakonsensiya at gusto nilang gumawa ng mabubuting gawa; ang layon nila ay tumakbo para sa posisyon ng lider ng iglesia, para maging ang taong namamahala sa iglesia, para manipulahin ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ba nilang manipulahin ang mga taong ito para tunay na makatulong sa mga ito? (Hindi.) Kaya, ano ba ang gusto nilang gawin? Gusto nilang kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, kontrolin ang iglesia, at magkaroon ng isang posisyon sa iglesia kung saan makakakilos sila bilang isang opisyal at sila ang magpapasya. Hindi ba’t pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan ang mga ganitong di-pangkaraniwang pamamaraan at pagsasagawa? (Oo.)
Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, may ilang tao na ibinoboto ang sarili nila dahil takot silang hindi makakuha ng sapat na boto. Hindi ba’t katawa-tawa at kakaiba ito? Ano ang kalikasan ng isang tao na bumoboto para sa sarili niya? Pagpapamalas ba ito ng kawalan ng tiwala sa sarili, ng kawalang kahihiyan, o ng labis-labis na ambisyon? Lahat ito. Takot siyang hindi mahalal, kaya wala siyang ibang magagawa kundi ang iboto ang sarili niya—kawalan ito ng tiwala sa sarili. Wala siyang kakayahan pero gusto pa rin niyang maging lider; dahil natatakot siyang hindi siya iboboto ng iba, kaya ibinoboto niya ang sarili niya. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Higit pa rito, hindi nagiging tama ang pagsusuri niya dahil sa labis-labis niyang ambisyon, kaya isinasantabi niya ang pagpapahalaga sa sarili at nawawalan siya ng integridad at dignidad: “Kung hindi mo ako iboboto, hindi ako papayag; dapat akong maging lider ng iglesia. Kung hindi ako magiging lider, hindi na ako mananampalataya sa Diyos!” Ipinipilit niya na maging lider siya, na kumilos siya bilang isang opisyal, napapanatag at nakokontento lang siya sa buhay kapag may katayuan siya—napakalaki ng mga ambisyon at pagnanais niya! Masyado niyang pinapahalagahan ang katayuan, nananampalataya siya sa Diyos para lang maging lider. Ano bang maganda sa pagiging lider? Kung hindi niya pinapahalagahan ang mga pakinabang ng katayuan at hindi siya nasisiyahan sa lahat ng espesyal na pagtratong dulot nito, gugustuhin pa rin ba niya ang posisyong ito? Iboboto pa rin ba niya ang sarili niya? Magiging napakalaki pa rin ba ng mga ambisyon at pagnanais niya? Pahahalagahan pa rin ba niya nang labis ang katayuan? Hindi na. Ang mga gayong tao ay palaging gustong pakialaman at pagsumikapan ang mga halalan, gumagamit sila ng anumang mapanlinlang na gawa. Kahit na nararamdaman nila mismo na ang gayong paraan ng pagkilos ay kahiya-hiya, hindi hayagan o tapat, at medyo nakakababa ng pagkatao, pagkatapos makapag-isip-isip nang kaunti, iniisip nila, “Basta, ang mahalaga ay mahalal bilang lider!” Kawalan ito ng kahihiyan. Gusto pa nilang gayahin ang mga pamamaraan sa pakikipagdebate na ginagamit sa mga halalan ng mga demokratikong bansa, kung saan inilalantad ng mga kandidato ang mga pagkakamali ng isa’t isa, hinuhusgahan at binabatikos ang isa’t isa, at nagtatalo, ginagamit nila ang mga taktikang ito sa mga halalan ng iglesia—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Hindi ba’t hindi ito ang lugar para sa mga gayong taktika? Kung pupunta ka sa iglesia para magsagawa ng mga baliko at imoral na gawain at subukang manipulahin at isabotahe ang mga halalan, sinasabi Ko sa iyo, mali ang lugar na pinili mo para gawin iyon! Ito ang sambahayan ng Diyos, hindi ang lipunan; ang sinumang nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan ay kokondenahin, isa-isa. Sa iglesia, ang anumang mga dahilan, palusot, o pamamaraan na ginagamit para manipulahin at isabotahe ang mga halalan, hindi katanggap-tanggap ang mga ito, at katumbas ito ng isang masamang gawa—isa itong masamang gawa magpakailanman! Kinokondena ang lahat ng sumusubok na manipulahin at isabotahe ang mga halalan. Ang mga gayong tao ay hindi kinikilala bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos o bilang mga kapatid, kundi binabansagan silang mga utusan ni Satanas. Anong klaseng mga bagay ang ginagawa ng mga utusan ni Satanas? Mga eksperto sila sa paggawa ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ang mga nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan ay gumaganap ng mga negatibong papel na ito, ginagawa nila ang mga bagay na ginagawa ng mga utusan ni Satanas. Anuman ang gawaing isinasagawa ng iglesia, tumitindig ang mga taong ito para isabotahe at sirain ito, binabalewala nila ang mga kaayusan at regulasyon ng sambahayan ng Diyos, binabalewala ang mga atas administratibo ng Diyos, at higit pa rito, binabalewala nila ang Diyos. Sinusubukan nilang gawin ang anumang gusto nila sa sambahayan ng Diyos, minamanipula ang iba’t ibang usapin sa iglesia, at higit pa rito, minamanipula nila ang mga miyembro ng iglesia, at umaabot pa sila sa puntong minamanipula at sinasabotahe nila ang mga halalan ng iglesia. Sa anong paraan nila sinusubukang manipulahin ang mga tauhan ng iglesia? Naghahanap sila ng mga pagkakataon para manipulahin at isabotahe ang mga halalan ng iglesia. Kapag ang isang halalan ay namanipula at nasabotahe ng mga utusang ito ni Satanas, nabigo na ang halalan. Kung ang mga utusan ni Satanas ay magtagumpay at maging mga lider ng iglesia, tama ba o mali ang resulta ng halalan? Mali ito, siyempre. Dapat ulitin ang halalan sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan at pagbubuod sa mga aral na natutunan.
B. Ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa Masasamang Tao na Nagmamanipula sa mga Halalan ng Iglesia
Kapag may masasamang tao na nagmamanipula ng mga halalan, kinakailangang ulitin ang halalan. Paano ito dapat isagawa? (Dapat na mapawalang-bisa ang mga resulta ng halalan at magsagawa ng bagong halalan.) Isang paraan ito. Ang impormasyon mula sa loob tungkol sa kung paano namanipula ng masasamang tao ang halalang ito ay dapat ihayag at isapubliko para malaman ng lahat kung ano ang nangyari sa proseso ng halalan at kung paano nabuo ang mga resulta. Pagkatapos malaman ng mga tao ang mga kumpidensiyal na impormasyong ito, dapat na ipawalang-bisa ang mga resulta ng halalan, at ulitin ang halalan. Ang gayong halalan ay hindi dapat aprubahan ng mayorya ng hinirang na mga tao ng Diyos; at hindi mahalaga kung sino ang nahalal—hindi pwedeng tanggapin ang mga resulta. Sa mga normal na sitwasyon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan at paglalantad sa kumpidensiyal na kuwento, maaaring hindi kilalanin ang mga resulta ng halalan, at ulitin ang halalan. Pero minsan, sa ilang espesyal na sitwasyon, kahit na may ilang tao lang na nakakaalam na ang mga resulta ng halalan ay namanipula ng mga utusan ni Satanas at na ang nahalal na tao ay hinding-hindi kayang gawin ang gawain at isang papet lang, dahil ang mayorya sa iglesia ay nalihis ng masasamang tao at pumapanig pa rin sa mga utusan ni Satanas habang ang minorya ang may kaunting pagkilatis at nakakaalam sa kumpidensiyal na impormasyon—at walang naniniwala sa minoryang ito o nakikinig sa kanila kapag nagsasalita sila—sila ay inihihiwalay at walang kapangyarihan, at wala talagang lakas para baguhin ang sitwasyon. Sa mga gayong pagkakataon, maaaring gustuhin mong ilantad ang kumpidensiyal na impormasyon tungkol sa pagmamanipula sa halalan, pero hindi madaling maunawaan nang malinaw ang sitwasyon. Sa gayong kaso, bukod sa pag-uulat nito sa mga nakatataas na lider at manggagawa, ano pa ang pwede ninyong gawin? Kung magpapatuloy kayong mamuhay ng buhay iglesia, ibubukod ka. Parang hindi rin naman angkop na dumalo sa mga pagtitipon sa ibang iglesia, dahil ang mga tao roon ay hindi basta-bastang makakapagpatuloy ng isang estranghero. Talagang nahihirapan kang magpasya dahil dito! Nakikita mo na ang nahalal na lider ng iglesia ay may masamang pagkatao, isang diyablo, at hindi siya isang tao na karapat-dapat na mahalal, kaya nagagalit ka na kapag nakikita mo pa lang siya. Naaasiwa ka kapag dumadalo ka sa mga pagtitipon, pero hindi naman pwedeng hindi dumalo. Kung hindi ka dadalo, at puputulin mo ang ugnayan mo sa iglesia, mawawala ang buhay iglesia mo, at hindi ito isang bagay na pwede mong gawin. Kaya, may magandang solusyon ba sa problemang ito? Nangangailangan ito ng karunungan. Ano ang kahihinatnan kung magmamadali kang ilantad sila? Maaaring magsama-sama ang mga taong iyon para supilin ka, itaboy ka, o kung talagang hindi naging maganda ang takbo ng mga bagay, baka paalisin ka pa nila, at magiging biktima ka ng kawalang katarungan. Ito ang pinakamalamang na kahihinatnan. Kaya, ano ang pinakamagandang solusyon? (Makipagsanib-puwersa sa mga kapatid na may pagkilatis at tipunin ang lahat ng ebidensiya ng masasamang gawa ng mga taong ito ng lihim na pagmamanipula sa halalan. Iulat ito sa mga nakakataas na lider at manggagawa, at mabilis ding makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ang mga kapatid na nalihis para maibalik sila.) Maituturing ba itong magandang solusyon? Ayos lang bang gawin ang mga gayong bagay nang padalos-dalos? Ano ang kahihinatnan ng pagpapadalos-dalos? (Dahil dito ay madaling naaalerto ang kaaway nang hindi sinasadya.) Kapag nahaharap ka sa mga ganitong usapin, natatakot ba kayo o kinakabahan? Dapat ba kayong matakot o kabahan? (Hindi.) Sa teorya, hindi ka dapat matakot—ito ang sinasabi sa iyo ng iyong pagkamakatwiran. Pero sa realidad, kumusta ito para sa mga tao? Ang pinakamahalaga ay kung nauunawaan ba ng mga tao ang katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at mayroon lang silang kapasyahan, matatakot pa rin sila sa loob-loob nila. Kapag natatakot ka, madali bang magkamit ng mga resulta anuman ang iyong gawin o paano mo man ito gawin? (Hindi.) Kapag natatakot ka, nasa anong klaseng kalagayan ka? Natatakot ka sa kapangyrihan ng mga taong ito, natatakot kang malalaman nila na nakilatis mo na sila at na nagiging mapagbantay ka laban sa kanila, at natatakot ka na susupilin at ibubukod ka nila kapag nakita nilang hindi ka pumapanig sa kanila, at sa huli ay aalisin ka nila sa iglesia. Magkakaroon ka ng mga ganitong alalahanin sa puso mo. Kapag may mga gayon kang alalahanin, maaari ka bang magkaroon ng dunong, tapang, at mga pamamaraan para makisalamuha sa mga tao na ito, lutasin ang mga problemang idinulot nila, o isiwalat ang masasamang gawa nila para magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid at hindi malihis? Ano ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos? Kapag natatakot ka, hindi ba’t mahina ang kondisyon mo. Una sa lahat, mahina at pasibo ka. Sa isang banda, wala kang malakas na pananalig sa Diyos, at sa kabilang banda, iniisip mo, “Kaya, nagtagumpay na ang masasamang taong ito. Paanong ako lang ang kumikilatis sa usaping ito ngayon? May pagkilatis man lang ba ang ibang tao? Kung sasabihin ko sa iba ang totoong sitwasyon, maniniwala ba sila sa akin? Kung hindi sila maniniwala sa akin, ilalantad ba nila ako? Kung magsasama-sama sila para harapin ako, at mag-isa ako at walang magawa, maghahanap ba ng kung ano-anong palusot ang mga taong iyon para paalisin ako?” Hindi ba’t magkakaroon ka ng mga gayong alalahanin? Kapag may mga ganito kang alalahanin, paano mo haharapin ang mga taong iyon? Paano ka makikisalamuha sa kanila sa pinakaakma at pinakamarunong na paraan? Sa panahong ito, hindi ba’t wala kang direksiyon o landas na susundin? Para ilarawan nang tumpak, sa panahong pinakatakot at pinakamahina ka, sadyang hindi mo kayang makipagtunggali sa kanila o makisalamuha sa kanila at pangasiwaan ang mga problemang dulot nila. Kaya, ano ang pinakamagandang hakbang para sa iyo sa oras na ito? Dapat bang manguna ka at ikaw ang unang sumugod, harapin sila at ilantad ang masasamang gawa nila para protektahan ang sarili mo? Angkop ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? Dahil hindi mo pa napag-isipan nang mabuti kung paano kikilos, hindi mo makilatis ang diwa nila, at hindi mo alam kung paano sila ilalantad, lalong hindi mo alam kung ang mga nailihis ay matatanggap ang katotohanan at makakapagbago. Hindi mo alam ang anuman sa iba’t ibang bagay na ito, at hindi malinaw sa iyo kung ano ang pinakakapaki-pakinabang at epektibong solusyon para sa iyo. Kahit na hindi ka pa umaabot sa isang partikular na antas ng pagkanegatibo, ang kasulukuyan mong kondisyon, sa pinakamababa, ay kondisyon ng kahinaan at pangamba, at marami kang alalahanin sa loob-loob mo. Lehitimo man o idinulot ng kahinaan o pangamba mo ang mga alalahaning ito, sa madaling salita, katunayan ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga katunayang ito, ang pinakamagandang solusyon ay matutong maghintay at walang gawin. Ano ang ibig sabihin ng walang gawin? Ibig sabihin nito ay hindi magmadaling ilantad sa mga nalinlang ang tunay na sitwasyon tungkol sa halalan, at hindi agad-agad na kontrahin ang mga bagong nahalal na lider ng iglesia o ang grupo ng mga tao na nagmanipula at nagsabotahe sa halalan. Huwag silang ilantad; sa oras na ito, dapat matuto kang maghintay. Sinasabi ng ilang tao, “Ang maghintay ay sobrang pasibo; gaano katagal ko ba kailangang maghintay?” Hindi kailangang maghintay nang masyadong matagal. Habang naghihintay ka, lumapit ka sa Diyos para magdasal, magbasa ng mga salita ng Diyos, at hanapin mo ang katotohanan. Sa mga gayong sitwasyon, sa panahong pinakatakot at pinakamahina ka, nagiging pinakatapat at sinsero ang mga panalangin mo. Kailangan mo ang Diyos para gabayan at protektahan ka; kailangan mong umasa sa Diyos. Habang nagdarasal ka, unti-unting mababawasan ang pangamba mo hanggang sa mawala na ito. Kapag nawala na ang pangamba mo, hindi ba’t mababawasan din ang panghihina mo? (Oo.) Mababawasan din nang mababawasan ang mga alalahanin mo. Ang mga pangamba, kahinaan, at alalahaning ito ay hindi mawawala nang basta-basta; sa halip, sa prosesong ito ng pagbabago, unti-unti mong mauunawaan ang ilang bagay. Ano ang mga bagay na mauunawaan mo? Sa isang banda, malalaman mo kung paano harapin ang mga tao na ito, kung sino ang unang ilalantad, at kung paano magsalita at kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dagdag pa rito, malalaman mo ang kalikasan ng mga taong ito. Paano mo mauunawaan ang mga bagay na ito? Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan habang naghihintay ka, unti-unti mong mauunawaan ang mga ito. Kapag nakita mo na ito nang malinaw, natural na magninilay-nilay ka kung paano ka dapat gumamit ng karunungan, kung kanino angkop na makipag-usap, at kung paano magsasalita sa paraang makakaantig sa kanila, na nagtutulot sa kanila na malaman ang mga katunayan tungkol sa pagmamanipula ng masasamang tao sa halalan, at nagbibigay sa kanila ng kakayahang magbago, na makilatis ang tunay na mukha ng mga nagmanipula at nagsabotahe sa halalan, at makilatis kung ano talagang klaseng mga tao ang mga diumano’y nahalal na lider. Magkakaroon ka ng ganitong uri ng karunungan, at ang mga kilos mo ay magiging sistematiko rin. Kaya, paano nagaganap ang mga positibong pakinabang na ito? Lahat ng ito ay ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo habang naghihintay ka. Ang ilan sa mga ito ay dulot ng gawain at pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu, at ang ilan ay ang ipinapakita at ipinapaunawa sa iyo ng Diyos sa Kanyang mga salita. Sinasabi ng mga salita ng Diyos na huwag makipaglaban nang hindi handa. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, nakikipaglaban ka man kay Satanas o inilalantad mo man ang masasamang gawa ng mga utusan ni Satanas, paano ka man makipaglaban kay Satanas, kailangang ikaw mismo ay maging malakas, kailangan maunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at makilatis mo ang diwa at masasamang gawa ni Satanas at ng masasamang tao at pagkatapos ay ilantad sila. Sa ganoong paraan mo lang makakamit ang mabubuting resulta sa huli. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, hindi ba’t mababawasan na ang tindi at pagiging halata ng iyong mga pangamba, kahinaan, at alalahanin? Hindi ka na masyadong matatakot. Ang mga bagay na ito na nararamdaman mo ay unti-unting magbabago; mapapansin mong hindi ka na kasinghina ng dati noong unang lumitaw ang sitwasyon. Sa halip, mararamdaman mong medyo mas malakas ka na at mas may kumpiyansa ka na sarili mo kaysa dati, at malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin. Sa puntong ito, magdasal kang muli sa Diyos at hilingin mo sa Kanya na ihanda ang tamang pagkakataon, at pagkatapos ay kumilos ka na. Iulat ang sitwasyon sa mga nakakataas na lider at manggagawa habang nakikipagbahaginan din sa mga may mabuting pagkatao at sinserong nananampalataya sa Diyos pero nalinlang at nalihis dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ilantad sa kanila ang kumpidensiyal na impormasyon tungkol sa pagmamanipula ng masasamang tao sa halalan. Kapag nakumbinsi mo na ang isa o dalawa sa mga taong ito, halos mawawala na ang pangamba mo. Mapapagtanto mo na ang lahat ng ito ay hindi magagawa sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas ng tao, lalong hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagmamadali; hindi ka pwedeng umasa sa pansumandaling bugso ng damdamin o galit, o sa pansamantalang diumano’y pagpapahalaga sa katarungan—walang silbi ang lahat ng ito. Maghahanda ang Diyos ng tamang panahon para sa iyo at bibigyang-liwanag ka Niya sa kung ano ang dapat mong sabihin, at batay sa nauunawaan mo, gagabayan ka Niya sa bawat hakbang, bibigyan ka Niya ng landas na susundan. Mula sa pagiging mahina at takot sa simula, hanggang sa paghahanap at pagkaunawa sa mga prinsipyo at sa landas—sa panahong ito, pwede ka pa ring normal na makisalamuha sa masasamang tao na ito. Sa panahon ng mga normal na pakikisalamuha, hindi bakante ang isipan ng mga tao; may sarili silang mga iniisip. Habang naghahanap at nagdarasal ka, pinagmamasdan mo ang mga tao na ito. Ano ang napapansin mo? Tinitingnan mo kung anong uri ng daan ang tinatahak nila at kung ano ang tunay nilang diwa. Kung ang sinasabi nila ay tama at umaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng iglesia, pwede kang makinig sa kanila; kung ang sinasabi nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia, pwede kang maghanap ng dahilan para hindi sila pakinggan o para magpaliban muna, gamit ang isang madunong na paraan ng pakikisalamuha nang “palakaibigan” nang hindi sila naaalerto. Habang nakikisalamuha nang “palakaibigan” sa kanila, nagtitipon ka ng ebidensiya ng masasamang gawa nila, kinikilatis sila batay sa iba’t ibang kilos at panlilinlang nila na labag sa mga katotohanang prinsipyo at higit pang nagpapatunay na ang mga tao na ito ay mga utusan ni Satanas. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi ka nila malilimitahan habang tinutupad mo rin ang responsabilidad at tungkulin mo—ito ang ginagawa ng isang madunong na tao. Tanging ang mga may pagkatao, karunungan, at pagmamahal sa katotohanan ang makakalakad sa tamang landas. Para sa mga tao na walang karunungan na kumikilos nang walang ingat at magaspang, palaging umaasa sa pagmamadali at bugso ng damdamin anuman ang ginagawa nila o anumang sitwasyon ang kinakaharap nila, madalas na nagbubunga ng di-magagandang resulta ang mga kilos nila. Ang mga gayong tao ay hindi lang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia kundi nagdudulot din ng maraming hindi kinakailangang abala at pagkayamot sa kanilang sarili. Samantala, ang madudunong na tao ay naiiba. Sa anumang ginagawa nila, naghihintay, nagmamasid, at naghahanap sila, naghihintay sa tamang pagkakataon, para sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos. Habang naghihintay, nagagawa nilang hanapin ang mga layunin ng Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang may layon, mas tumpak na maarok ang mga prinsipyo ng katotohanan, at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan para makipaglaban nang mahusay at para magpatotoo sa Diyos, sa halip na makipaglaban sa mga tao o makipagtalo nang dahil sa pagmamadali.
Pagdating sa masasamang tao na nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan, ang pinakamahalaga ay hindi kung kaya mong makilatis ang mga taong ito o kung paano mo sila planong ilantad; ito ay ang agarang iulat ang sitwasyon sa mga nakatataas. Dapat kang gumamit ng dunong para harapin sila, maghintay sa tamang panahon ng Diyos, dapat mong hanapin ang mga layunin ng Diyos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, habang hindi inaantala ang tungkulin mo. Ano ang pinakahuling resulta ng paggawa nito? Tinutupad mo ang responsabilidad at tungkulin mo. Sa pamamagitan ng pag-ulat ng sitwasyon sa nakatataas at paghahanap ng solusyon, hindi lang nalulutas ang problema, kundi nagkakaroon ka rin ng kabatiran, nadaragdagan ang pagkilatis at karunungan mo, lumalago ang tayog mo, at lumalakas ang pananalig mo sa Diyos. Napakaraming nakakamit ng mga tao mula sa pagharap kay Satanas at labis itong kapaki-pakinabang sa kanila. Sa kabaligtaran, ipagpalagay nang kumilos ang isang tao nang nagmamadali at padalos-dalos, nakikipag-away nang matindi sa mga taong ito at nakikipagtalo sa mga ito nang harap-harapan, sinasabi, “Minamanipula at sinasabotahe ninyo ang halalan. Bagama’t malakas ang kapangyarihan ninyo, hindi ako susuko sa inyo, at hindi ako natatakot sa inyo!” Ang resulta ng ganitong pamamaraan ay ang mapatalsik sa iglesia, dahil dito ay ilang buwan siyang umiiyak at nagdurusa sa bahay niya; pero hindi pa rin niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos: “Bakit nauwi ako sa ganitong kalagayan? Ayaw Mo ba sa akin, Diyos ko? Wala Ka bang pakialam sa akin?” Sa loob ng maraming buwan, hindi niya napapakinggan ang mga bagong sermon at himno, hindi niya alam kung ano ang gawaing ginagawa ng iglesia, hindi niya magawa ang mga tungkulin niya, at ganap siyang nahihiwalay, lubusang nalulugmok sa kadiliman. Araw-araw, bukod sa pag-iyak, ang ginagawa lang niya ay mag-alala. Hindi niya natututunang manalangin sa Diyos o kumain at uminom ng Kanyang mga nauugnay na salita sa ganitong kapaligiran, lalong hindi niya natututunan na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa masasalimuot na sitwasyon; hindi talaga siya lumalago sa karunungan. Pagkaraan ng ilang buwan ng pag-iyak, sa wakas, isang araw, may isang tao na nagbalik sa kanya sa iglesia at hiniling sa kanya na ibahagi ang karanasan niya sa panahong iyon, pero nagrereklamo lang siya habang umiiyak: “Labis akong naagrabyado! Hindi ko ginulo ang iglesia. Hindi ako masamang tao; idiniin ako ng masasamang tao.” Kapag tinanong siya, “Ano ang mga aral na natutunan mo sa panahong ito? May nakamit ka ba?” tumutugon siya, “Ano ang makakamit ko? Ihiniwalay nila ako, kinuha nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ang mga himno, at hindi ako makapakinig sa anumang sermon. Ang nagawa ko lang ay magtalakay tungkol sa pananalig at kumanta minsan ng ilang himnong naaalala ko. Wala akong anumang nakamit. Mabuti na lang, naghanda ang Diyos ng tamang oras para ibalik ako; kung hindi, nagpaplano na akong lumabas at magnegosyo para kumita ng pera, dahil wala naman na akong pag-asang maligtas. Ayaw na sa akin ng Diyos, at hindi na ako makakapagpatuloy sa pananampalataya. Ganap na nasadlak sa kadiliman ang puso ko.” Sa huli, idinadagdag niya, “Ang mga tupa ng Diyos ay hindi kailanman aabandonahin ng Diyos,” ito ang nagiging kongklusyon niya. Ang makaranas ng napakahalaga at espesyal na pangyayari pero napakaliit ng kanyang nakamit—hindi ba’t medyo kaawa-awa ito? Hindi ba’t hindi ito naaangkop? Nang maharap sa gayong kalaking sitwasyon, wala siyang natutunang anumang aral at hindi nadagdagan ang karunungan o pananalig niya; bagama’t nananampalataya pa rin siya sa Diyos sa puso niya, pinahirapan siya ng mga Satanas, diyablo, at anticristo hanggang sa halos tumigil na siya sa pananampalataya. Maaari pa rin ba siyang magpatotoo sa Diyos? Hindi ba’t walang silbing duwag ang taong ito? Ano ang silbi ng pag-iyak sa bahay? Kahit umiyak siya hanggang sa mabulag siya, makatutulong ba ito? Malulutas ba nito ang problema sa mga anticristo? Nagtagumpay ang masasamang tao, at sa huli, ang tanging taglay ng taong ito ay ang kasabihang, “Ang mga tupa ng Diyos ay hindi kailanman aabandonahin ng Diyos,” nang walang iba pang natatamo. Wala siyang karunungan, wala siyang plano ng pagkilos, at hindi niya alam kung paano hanapin ang Diyos ayon sa landas na ibinigay ng Diyos, kung paano lumapit sa Diyos para gamitin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan para labanan si Satanas. Ang kaunting doktrina na madalas niyang nililitanya ay walang pakinabang sa kanya; pagdating sa pagharap sa mga gayong usapin, bukod sa pag-iyak, ang ginagawa lang niya ay maramdaman na naagrabyado siya at magreklamo—isa itong walang silbing duwag. Madalas na may ilang pagpapamalas ang mga walang silbing duwag, na siya ring mga pangunahing katangian nila. Una, umiiyak sila. Pangalawa, pakiramdam nila ay naagrabyado sila. Pangatlo, nagrereklamo sila sa puso nila. Sa puso nila, sinasabi rin nila, “Nasaan Ka, Diyos ko? Bakit wala Kang pakialam sa akin? Labis akong pininsala ni Satanas, hindi ko na kayang mabuhay pa. Pakiusap, iligtas Mo ako agad!” Sabi ng Diyos, “Isa kang walang silbing duwag, isang basurang nababalot sa balat ng tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos, ano ang ikinakatakot mo? Ano ang dapat ikatakot kay Satanas?” Kahit anong mga plano at pakana ang ginagamit ni Satanas kapag kumikilos ito, hindi tayo natatakot. Nasa atin ang Diyos, nasa atin ang katotohanan. Bibigyan tayo ng Diyos ng karunungan. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Ano ang ikinakatakot mo? Ang pag-iyak ay nagpapakita lang na duwag ka at walang kakayahan; isa kang basura, isang walang silbing nilalang. Ang pag-iyak ay nangangahulugang nakikipagkompromiso ka kay Satanas at nagsusumamo ka na kaawaan ka ni Satanas. Gusto ba ng Diyos ang mga gayong walang silbing duwag? (Hindi.) Nakikita ka ng Diyos bilang isang walang silbing duwag, isang hangal, isang basura, na wala man lang patotoo at karunungan. Ano ang nangyari sa katotohanang naunawaan mo? Hindi pa ba sapat ang narinig mo tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo at ni Satanas na inilalantad ng Diyos? Hindi mo ba nauunawaan o nakikilatis ang mga bagay na ito? Hindi mo ba alam na mga Satanas sila? Kung alam mong mga Satanas sila, ano ang ikinakatakot mo? Bakit hindi ka natatakot at nangingilabot sa Diyos? Hindi ka ba natatakot na magkasala sa Diyos dahil sa takot mo kay Satanas? Hindi ba’t kabuktutan iyon? Kapag nangyari ang mga gayong sitwasyon, natatakot ka at wala kang solusyon, wala ka man lang karunungan o mga kontra-hakbang. Ano ang nakamit mo sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon? Wala bang saysay ang lahat ng ito? Magagawa bang maninindigan ng mga gayong walang silbing duwag sa kanilang patotoo? (Hindi.) Pagdating sa mga sitwasyon kung saan minamanipula at sinasabotahe ng mga Satanas at masamang tao ang mga halalan, kahit nag-iisa ka lang at walang kapangyarihan, o kahit may ilang kapatid na kapareho mo ng pananaw, huwag kang magmadali sa pagkilos. Una, matutong maghintay. Pangalawa, matutong maghanap. Habang naghihintay at naghahanap, huwag mong talikuran ang tungkulin mo. Ano ang ibig sabihin ng paghihintay? Ibig sabihin nito ay maghintay sa paghahanda ng Diyos ng tamang oras at pagkakataon. At ano ang dapat mong hanapin? Hanapin ang mga prinsipyo at landas na dapat mong isagawa sa pananampalataya at pagsunod mo sa Diyos; hanapin kung paano kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung paano kumilos para labanan si Satanas at ang mga puwersa ng anticristo, para sa huli ay mapagtagumpayan ang mga puwersa ni Satanas at maging isang mananagumpay. Kung nag-iisa ka, kailangan mong higit na manalangin sa Diyos, maghintay, at maghanap. Kung may dalawa o tatlong tao na kapareha mo ng pananaw, maaari kayong magbahaginan, magdasal, maghintay, at maghanap nang magkakasama. Kapag inihanda na ng Diyos ang tamang oras, humiling sa Diyos ng lakas at karunungan, para maging angkop ang lahat ng gagawin at sasabihin mo. Sa ganitong paraan, sa isang banda, tinutupad mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha, at sa kabilang banda, magagawa mo ring malakas at epektibong ilantad si Satanas, na lubusang maglalantad at sisira sa mga plano ng mga utusan ni Satanas at ng mga anticristo. Naaangkop ba ito? Nasabi na sa inyo ang mga pamamaraan, gawi, landas, at mga prinsipyong ito, kaya depende na sa inyo kung paano ninyo gagamitin ang mga ito. Sapat na bang malinaw ang landas na ito? (Oo.) Kung gayon, kapag nahaharap kayo sa mga gayong usapin, magsagawa kayo ayon sa prinsipyong ito. Madali itong makamit.
Sa bawat halalan sa iglesia, kapwa ang mga lider at manggagawa, pati na rin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ay may responsabilidad at obligasyon na pangalagaan ang gawain ng halalan. Ang mga lider at manggagawa ay kailangang gampanan ang gawain ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyong panghalalan; dapat namang ilahad ng hinirang na mga tao ng Diyos ang anumang mga isyung mayroon sila, at pagkatapos ay dapat pagbahaginan ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito. Sa ganitong paraan lang masisigurong maayos na maisasagawa ang halalan. Sa isang banda, ang mga lider at manggagawa ay dapat mahigpit na sumunod sa mga prinsipyong panghalalan ng sambahayan ng Diyos at isagawa ang gawain ng bawat halalan sa sambahayan ng Diyos nang batay sa mga prinsipyong ito. Sa kabilang banda, kailangan din nilang maging mapagbantay laban sa masasamang tao at mga anticristo na nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan. Ang mga indibidwal na ito ay mga utusan ni Satanas, mga kasabwat sila ni Satanas. Dapat mahigpit na maging mapagbantay ang mga lider at manggagawa laban sa mga ito at maging maingat sa mga ito, manatiling mapagmatyag laban sa mga pagtatangka ng mga ito na manipulahin ang mga bagay-bagay sa panahon ng halalan kapag walang nakakakita o gumawa ng mga lihim, sikretong galaw para dayain ang proseso nang walang nakakaalam. Kung lumabas na talagang namanipula ng masasamang tao ang halalan, na nagresulta sa pagkakabukod sa karapat-dapat na mahalal at sa pagkakalihis ng karamihan ng tao kaya ang maling indibidwal—isang indibidwal na hindi karapat-dapat sa posisyon—ang nahalal bilang lider, kung mangyari ang gayong sitwasyon, may solusyon pa rin. Dapat ilantad ang tunay na sitwasyon ng nahalal na tao. Kung sumasang-ayon ang karamihan ng tao, pwedeng ulitin ang halalan. Ang isang halalan na namanipula ni Satanas at ng masasamang tao ay hindi resulta ng isang halalang isinagawa nang normal ng iglesia nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito isang positibong bagay, at sa malao’t madali, ito ay masisiwalat, malalantad, at mapapawalang-bisa. Sa paniniwalang ito, kung mahaharap ka sa mga gayong sitwasyon, paano ka dapat kumilos? Dapat kang maging handang labanan si Satanas sa anumang oras at saanmang lugar, at huwag maging patulog-tulog sa pansitan. Kung isa kang lampa, isang taong magulo ang isip, o isang walang silbing duwag, maaaring magkipagkompromiso o makipagsabwatan ka sa kanila, o maaaring madurog ka nila nang husto hanggang sa maging negatibo ka na at hindi na makabangon. Ang ilang tao ay patulog-tulog lang sa pansitan, sinasabi nila, “Hindi rin naman ako pwedeng maging lider ng iglesia. Kahit sino pa ang maglingkod, pareho lang din naman. Kung sinumang may abilidad, sige na, maglingkod na kayo! Kung gusto ng isang anticristo na maglingkod, wala itong kinalaman sa akin, basta’t hindi nila ako papaalisin, ayos na iyon.” Walang kwenta ang mga taong nagsasabi nito. Hindi nila maisip kung ano ang mga magiging kahihinatnan kung maglilingkod bilang lider ang isang anticristo, ni kung ano ang magiging epekto nito sa pananampalataya nila sa Diyos at sa kaligtasan nila. Tanging ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang nakakakita sa kung ano talaga ito. Sasabihin nila: “Kung isang anticristo ang magiging lider ng iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos ang magdurusa. Sa partikular, iyong mga naghahangad sa katotohanan, may pagpapahalaga sa katarungan, at mga handang gumawa ng tungkulin nila, ay pawang masusupil at maibubukod. Tanging ang mga taong magulo ang isip at ang mga taong mapagpalugod ng ibang tao ang makikinabang, at sila ay makukulong at mapapasailalim sa kontrol ng kapangyarihan ng anticristo.” Pero hindi kailanman isinasaalang-alang ng mga hindi naghahangad sa katotohanan ang mga bagay na ito. Iniisip nila: “Nananampalataya sa Diyos ang isang tao para maligtas. Ang lahat ay tumatahak sa sarili nilang landas. Kahit isang anticristo pa ang maging lider, wala itong magiging epekto sa akin. Hangga’t hindi ako gumagawa ng masasamang bagay, hindi nila ako masusupil o maibubukod, o mapapaalis sa iglesia.” Ito ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Kung walang kahit sino sa hinirang na mga tao ng Diyos ang nagmamalasakit sa mga halalan ng iglesia, sa sandaling hayaan nila ang isang anticristo na humawak ng kapangyarihan, ano ang mga magiging kahihinatnan? Talaga nga bang magiging kasingsimple ito ng inaakala ng mga tao? Anong uri ng mga pagbabago ang pagdaraanan ng buhay iglesia? May direktang kinalaman ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung isang anticristo ang may hawak ng kapangyarihan sa isang iglesia, Ano ang mangyayari? Hindi na maghahari ang katotohanan sa iglesiang iyon, ni ang mga salita ng Diyos—sa halip, ang mga hindi mananampalataya at si Satanas ang hahawak ng kapangyarihan doon. Bagama’t maaaring binabasa pa rin ang mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, kontrolado ng anticristo ang karapatang magsalita. Maibabahagi ba nang malinaw ng anticristo ang tungkol sa katotohanan? Mapapayagan ba ng anticristo na makapagbahaginan ang hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa katotohanan nang malaya at hayagan? Imposible iyon. Kapag nagkaroon ng kapangyarihan ang isang anticristo, darami nang darami ang mga pagkagambala at kaguluhan, bababa nang bababa ang mga resulta ng buhay iglesia, at kakaunti ang maaani ng hinirang na mga tao ng Diyos kapag nagtitipon sila, na magdudulot ng mga suliranin sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga problema ng hinirang na mga tao ng Diyos ay darami rin at hindi malulutas, at mababagabag din ang ilan na kayang magsagawa sa katotohanan; ganap na magbabago ang atmospera ng buhay iglesia, para bang tinakpan ng madidilim na ulap ang araw. Magiging kasiya-siya pa ba ang buhay iglesia kapag nagkagayon? Tiyak na lubhang makokompromiso ito. Sa iglesia, sa simula pa lang ay minorya na ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung susupilin at ibubukod ang minoryang ito, masasabing mawawala na ang buhay iglesia. Kung hindi makilatis ng mga tao ang kahihinatnang ito, hindi nila bibigyang-pansin ang halalan o hindi sila magmamalasakit dito. Kung ang karamihan ng tao ay hindi taimtim ang pananaw sa halalan, hindi sumusunod sa mga prinsipyo, tinatrato ang mga halalan nang napakanegatibo, at ginagaya ang mga huwad na lider at mga anticristo, kapag ang masasamang tao o ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang naging mga lider ng iglesia, ang karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay magdurusa ng kawalan sa kanilang buhay pagpasok. Samakatwid, ang mga resulta ng mga halalan sa iglesia ay direktang nakakaapekto sa paglago sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa kinabukasan ng iglesia. Dapat malinaw itong makita ng hinirang na mga tao ng Diyos at hinding-hindi sila dapat magkaroon ng negatibong saloobin. Ang ilang tao na magulo ang isip ay hindi makilatis ang usaping ito; palagi silang umaasa sa sarili nilang mga imahinasyon, iniisip nila, “Ang lahat ng tao sa iglesia ay sinserong mananampalataya, kaya pwedeng mahalal ang kahit sino; basta’t isa siyang kapatid, kahit sino ay pwedeng maging lider.” Masyadong simple ang pagtingin nila sa mga halalan sa iglesia, na nagreresulta sa maraming negatibo, maling ideya at pananaw. Kung ang mga huwad na lider at anticristo ay tunay na mahahalal bilang mga lider at manggagawa, mapipinsala ang gawain ng iglesia, at hindi maiiwasang mapipinsala ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa panahong iyon, mapagtatanto ng mga tao kung gaano kahalaga ang pagsasagawa ng mga halalan nang ayon sa mga prinsipyo.
May mga mapagpalugod ng mga tao sa bawat iglesia. Walang pagkilatis ang mga taong ito sa masasamang tao na nagmamanipula at nagsasabotahe sa mga halalan. Kahit na mayroon silang kaunting pagkilatis, hindi nila ito pinapansin. Ang kanilang saloobin sa mga isyu na lumilitaw sa mga halalan sa iglesia ay “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.” Iniisip nila na hindi mahalaga kung sino ang magiging lider, na wala itong kinalaman sa kanila. Hangga’t masaya silang namumuhay araw-araw, ayos na sila. Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Sila ba ay mga tao na nagmamahal sa katotohanan? (Hindi.) Anong uri sila ng tao? Mga mapagpalugod sila ng mga tao, at maaari din silang tawaging mga hindi mananampalataya. Ang mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan; ang gusto lang nila ay mamuhay nang magaan, nagnanasa ng kaginhawahan sa laman. Masyado silang makasarili at tuso. Marami bang gayong tao sa lipunan? Anumang pampolitikang partido ang nasa kapangyarihan, kahit sino ang nasa posisyon, sila ay gustong-gusto ng mga tao at mahusay nilang napapamahalaan ang kanilang mga ugnayang panlipunan, at namumuhay sila nang komportable; kahit anong kilusang pampolitika ang lumitaw, hindi sila naiipit dito. Anong uri ng mga tao ito? Ang mga ito ang pinakamapanlinlang, pinakatuso na mga tao, kilala bilang “mga tusong tao” at “mga matandang ahas.” Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nang wala ni katiting na prinsipyo. Kung sino man ang nasa kapangyarihan, iyon ang kanilang nilalapitan, binobola, ipinagdiriwang nila ang kabutihan nito. Wala silang ibang ginagawa kundi ipagtanggol ang mga nakatataas sa kanila, at hindi nila kailanman sinasalungat ang mga ito. Gaano man kalaki ang kasamaang ginagawa ng mga nakatataas sa kanila, hindi nila ito sinasalungat ni sinusuportahan, kundi itinatago nila ang kanilang mga iniisip sa kanilang kaibuturan. Gustong-gusto sila ng mga tao kahit sino pa ang nasa kapangyarihan. Gusto ni Satanas at ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao. Bakit gusto ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao? Dahil hindi nila sinisira ang mga gawain ng mga diyablong hari at hindi sila nagiging banta sa mga ito. Walang prinsipyo ang ganitong uri ng tao, at walang batayan sa kanilang pag-asal, at walang integridad at dignidad; sumusunod lamang sila sa mga kalakaran ng lipunan at yumuyukod sa mga diyablong hari, umaayon sa mga panlasa ng mga ito. Hindi ba’t mayroon ding mga gayong tao sa iglesia? Maaari bang maging mga mananagumpay ang mga gayong tao? Mabubuting sundalo ba sila ni Cristo? Mga saksi ba sila sa Diyos? Kapag nagpapakita ng kanilang ulo ang mga masamang tao at anticristo at ginugulo ang gawain ng iglesia, makakaya bang tumindig ng mga gayong tao at makipaglaban sa kanila, ilantad, kilatisin, at itakwil sila, itigil ang kanilang masasamang gawa at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na hindi. Ang mga tusong tao na ito ay hindi iyong mga gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpapatotoo sa Diyos o hindi nila kailanman itinataguyod ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Sa nakikita ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi iyong mga sumusunod o nagpapasakop sa Kanya, kundi mga taong bulag gumagawa ng gulo, mga miyembro ng pangkat ni Satanas—sila ang mga ititiwalag Niya kapag natapos na ang Kanyang gawain. Hindi pinahahalagahan ng Diyos ang gayong mga sawing-palad. Wala sila ng katotohanan o buhay; sila ay mga hayop at diyablo; hindi sila karapat-dapat sa kaligtasan ng Diyos at sa pagtatamasa ng pagmamahal Niya. Kaya, madali na isinasantabi at tinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at dapat na maagap silang paalisin ng iglesia bilang mga hindi mananampalataya. Wala silang tunay na puso para sa Diyos, kung gayon bibigyan ba sila ng tunay na panustos ng Diyos? Bibigyang-liwanag at tutulungan ba sila ng Diyos? Hindi. Kapag nangyayari ang mga pagkagambala at panggugulo sa mga halalan sa iglesia, at kontrolado at naiimpluwensyahan ng masasamang tao ang mga resulta ng halalan, tiyak na hindi papanig sa Diyos ang mga taong ito upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi sila susunod sa mga katotohanang prinsipyo upang labanan ang masasamang tao at mga anticristo, at upang labanan ang mga puwersa ni Satanas hanggang sa huli. Tiyak na hindi nila gagawin ito, wala silang tapang. Samakatwid, ang mga nakakapagpatotoo sa Diyos ay dapat na kilatisin ang mga taong ito at hindi nila dapat ibahagi sa mga taong ito ang mga katotohanang nauunawaan nila o ang pagkilatis nila kay Satanas. Kahit pa ibahagi mo ang mga bagay na ito sa kanila, magiging walang silbi ito; hindi sila papanig sa katotohanan. Kapag pumipili ng mga katrabaho at mga katuwang, dapat mong ibukod ang mga gayong tao at huwag silang piliin. Bakit hindi mo sila dapat piliin? Dahil sila ay mga tusong tao; hindi sila papanig sa Diyos, hindi papanig sa katotohanan, at hindi makikipagkaisa sa iyo sa puso at isipan upang kalabanin si Satanas. Kung ipagtatapat mo sa kanila ang iyong mga taos-pusong salita, hangal ka at magiging katatawanan ni Satanas. Huwag ibahagi ang katotohanan o mag-alok ng mga payo sa mga gayong tao, at huwag silang asahan, dahil hinding-hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong ito. Hindi sila mga taong kaisa ng Diyos sa puso at isipan; mga tagapanood lamang sila na nanonood ng labanan mula sa malayo; sila ay mga tusong tao. Pinapasok ng mga ganitong uri ng tao ang sambahayan ng Diyos upang manood lamang ng nakakasabik na kaganapan at bulag na gumagawa ng gulo. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; wala man lang silang simpatya para sa mabubuting tao na pinipinsala ng masasamang tao. Pinakaangkop na tawagin ang mga gayong tao na mga diyablo o at Satanas. Kung ilalantad ng isang taong may pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao, hindi man lang sila papalakpak o susuporta sa mga ito. Kaya, huwag kailanman pagkatiwalaan ang mga taong ito; sila ay mga tusong tao, mga hunyango, mga matandang ahas. Hindi sila mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos kundi mga alipin ni Satanas. Hindi kailanman maliligtas ang mga taong ito, at ayaw sa kanila ng Diyos; ito ang malinaw na pagnanais ng Diyos. Marahil, ang karamihan ng iglesia ay may gayong uri ng mga tao. Tingnan mo sa inyong iglesia kung sino-sino sila. Kapag may mga nangyayari, huwag makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan kailanman, at huwag ipaalam sa kanila kung ano talaga ang nangyayari sa iyo. Mag-ingat sa mga gayong tao at huwag makipag-ugnayan sa kanila. Hanapin ang mga totoong nananampalataya sa Diyos at may pagpapahalaga sa katarungan—kapag nakikita nilang napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na nagugulo o namamanipula ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia, nababalisa at nagagalit sila; labis silang namumuhi sa masasamang taong ito na nanggugulo sa iglesia; gusto nilang tumindig at ilantad ang masasamang tao, at sabik silang makahanap ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan para maging kaisa nila at labanan ang masasamang demonyo. Makipagbahaginan sa mga gayong tao at makipagkaisa sa mga ito para labanan si Satanas. Ang mga taong ito ang mga mananagumpay, ang mabubuting sundalo ni Cristo; tanging ang mga taong ito ang may bahagi sa kaharian ni Cristo. Iyong mga mapagpalugod ng mga tao, mga tuso, mga balimbing, at ang mga manhid at mapurol ang utak ay pawang nabunyag na; sila ang mga dapat itiwalag. Hindi sila mga kapatid, hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, kundi mga hindi mananampalataya at mga oportunistang hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Ganito ang paraan ng pangangasiwa sa mga taong ito: Kung kaya nilang gumawa ng kasamaan, alisin sila; kung hindi naman sila masasamang tao at hindi sumusunod sa masasamang tao para guluhin ang iglesia, pwede silang pansamantalang manatili sa iglesia habang hinihintay mo ang pagsisisi nila. Sa isang banda, obserbahan at arukin ang mga disposisyon, pagkatao, at mga pananaw at saloobin ng mga taong ito sa iba’t ibang usapin, at maging mapagkilatis, alamin ang diwa ng mga gayong tao. Kasabay nito, kapag minamanipula at sinasabotahe ng masasamang tao ang mga halalan, maging mapagmatyag sa mga mapagpalugod ng mga tao na ito na pumapanig sa masasamang tao, na kumikilos bilang mga alipores at kasabwat ng mga ito. Sa madaling salita, para sa lahat ng hindi tamang asal ng masasamang tao na nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan, kailangang maging mapagkilatis batay sa mga salita ng Diyos; kapag malinaw mong nakikita ang diwa nila, malalaman mo kung paano angkop na pangangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo.
Kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang penomeno ng pagmamanipula at pagsabotahe ng mga halalan at ilang kilos ng mga tao. Bagama’t hindi natalakay ang lahat ng aspekto, halos napagbahaginan na ang mga prinsipyo para malutas ang mga isyung ito. Kapag natuklasan ninyo na may mga tao sa loob ng iglesia na nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan, dapat kayong tumindig at pigilan sila. Huwag itong hayaan o huwag kumilos na gaya ng mga mapagpalugod ng mga tao. Kung may sinumang laging nagtatangka na magmanipula at magsabotahe ng mga halalan, sa sandaling lumitaw ang tendensiyang ito, dapat magsama-samang tumindig ang mga kapatid para pigilan at ilantad sila. Kung ginagawa nila ito dahil sa pagkalito, at hindi nila alam na maituturing ito na pagmamanipula at pagsabotahe ng mga halalan, pwede ninyo silang paliwanagan: “Ang ginagawa mo ay pagmamanipula at pagsabotahe ng mga halalan. Huwag mong gampanan ang papel ng utusan ni Satanas. Ito ay halalan ng mga lider ng iglesia, hindi halalan ng mga alkalde o kapitan ng barangay. Ang sambahayan ng Diyos ay may sariling mga regulasyon at mga prinsipyo sa paggawa ng gawaing ito. Hindi dapat ihalo ang mga personal na layunin ng tao; dapat nating mahigpit na sundin ang mga katotohanang prinsipyo sa gawaing ito. Kung mahina ang kakayahan mo at hindi mo maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, o kung matanda ka na at magulo ang isip mo, kung wala kang talino na kailangan para lumahok sa mga halalan, pwede kang walang iboto at maghintay na lang sa resulta, pero huwag na huwag mong manipulahin o isabotahe ang halalan, o magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan; masasamang gawa ang mga ito, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Ang gayong masasamang gawa ay kinokondena magpakailanman; huwag na huwag maging gayong uri ng tao o huwag sundan ang landas na ito. Kung tunay kang tao, huwag lumahok sa pagmamanipula at pagsabotahe ng mga halalan, dahil kapag naging katunayan na ito, mababansagan ka nang isang utusan ni Satanas at papaalisin ka sa iglesia.” Kung matutuklasan ang mga taong nagmamanipula at nagsasabotahe ng mga halalan, ang mga may mahinang kakayahan na hindi nauunawaan ang aktuwal na nangyari ay maaaring pagbahaginan nang may pagmamahal, suportahan, tustusan, at tulungan. Pero paano naman ang mga taong, kahit na alam na alam nila ang mga katotohanang prinsipyo, ay sinasadya pa ring manipulahin at isabotahe ang halalan, binabalewala pa nila ang mga babala laban dito? May solusyon din para sa kanila: Hindi na sila papayagang lumahok sa mga halalan; alisan sila ng karapatang bumoto. Sa madaling salita, ang lahat ng kilos ng pagmamanipula at pagsabotahe ng mga halalan ay dapat na kilatisin, pigilan, at higpitan para maitama ang sitwasyon. Hindi dapat pahintulutang umiral sa iglesia ang mga gayong asal at kilos, para maiwasan ang mga maling resulta sa halalan at ang magulo at mapinsala ang gawain ng iglesia.
Isang Pagbubuod sa Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nagdudulot ng mga Pagkagambala at Kaguluhan
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay kaugnay sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na gumagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Hinati natin ang mga ito sa labing-isang isyu para sa pagbabahaginan. Ang mga problema o insidente ng mga pagkagambala at panggugulo na nakalista sa bawat isyu ay may kaugnayan sa paggampan ng tungkulin ng mga tao at sa kanilang tunay na pananalig sa Diyos. Bakit ba hinati ang mga ito nang napakametikuloso? Bakit Ko ba binabanggit ang bawat isyu para pagbahaginan at himayin? Batay sa pamagat ng bawat isyu, hindi mabuti ang pagkatao ng mga taong gumagawa ng mga bagay na ito. Maliban sa unang isyu—madalas na lumilihis sa paksa kapag nakikipagbahaginan sa katotohanan, na hindi itinuturing na malubha—ang lahat ng iba pa ay may labis na malubhang kalikasan. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ay may kalikasan ng pagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, at lahat ng ito ay nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, kaya isa-isa nating pinagbabahaginan at hinihimay ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga isyung ito sa buhay iglesia o sa proseso ng paggawa ng tungkulin ng isang tao, ang mga tao ay kailangang maging napakaalerto at kilatisin at malinaw na maunawaan ang mga ito. Kapag nakikita ng mga tao ang mga gayong pangyayari na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, dapat silang tumindig para pigilan at hadlangan ang mga ito. Tungkol sa unang isyu, “madalas na lumilihis sa paksa kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan,” minsan ay ginagawa ito ng mga tao nang hindi sinasadya, at hindi naman masyadong seryoso ang sangkot na sitwasyon at ang kalikasan nito. Pero kung palagi silang lumilihis sa paksa at nagsasalita nang hindi maintindihan, na nagiging sanhi ng pagkainis ng mga nakikinig sa kanila, at sa gayon ay walang mabuting resultang nakakamit sa buhay iglesia, humahantong ito sa mga kahihinatnan ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Ang mga natitirang isyu ay hindi na kailangang banggitin pa; ang anuman sa mga ito ay sapat na para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia at sa kaayusan ng buhay iglesia. Samakatwid, kinakailangang pagbahaginan, suriin, at himayin ang bawat isyung ito nang detalyado. Kapag may nangyayaring mga mapaminsalang insidente, kung may pagkilatis at kaalaman ka sa masasamang gawa na nanggugulo sa iglesia, dapat kang tumindig para pigilan at paghigpitan ang mga ito. Sa mas pangkalahatang pananaw, ito ay paggawa sa tungkulin ng isang nilikha; sa mas partikular na pananaw naman, sa pinakamababa, ito ay pagtupad sa tungkulin at responsabilidad bilang isang miyembro ng iglesia. Hindi ba’t ito ang dapat ninyong magawa? (Oo.) Ano ba ang mga kahihinatnan kung hindi mo ito magawa? Paano ba natin dapat tukuyin ang kawalan ng kakayahang magawa ito? Sa pinakamababa, nangangahulugan ito na magulo ang isip mo; higit pa rito, isa kang walang silbing duwag, takot kay Satanas. Dagdag pa rito, kapag nagpapakita ang mga Satanas at diyablo para guluhin ang gawain ng Diyos at ang normal na kaayusan ng iglesia, nananatili kang walang pakialam at walang magawa, walang ipinapakitang reaksiyon, at wala kang pananalig at tapang na tumindig at labanan si Satanas at magpatotoo sa Diyos. Kung gayon, isa kang walang silbing tao, hindi karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos.
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay nagdedetalye ng iba’t ibang uri ng mga insidente sa iglesia na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos. May kinalaman ang bawat insidente sa mga saloobin ng mga lider at manggagawa, pati na rin ng mga ordinaryong kapatid, patungkol sa Diyos. May kinalaman din ito sa saloobin ng bawat tao sa tungkulin at mga responsabilidad nila, gayundin sa paninindigan at pananaw nila tungkol sa mga negatibong pangyayari at bagay na ito na nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, may kinalaman din ito sa kung ang isang taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakikinig sa mga sermon ay may sapat na tayog at pananalig para labanan si Satanas at magpatotoo sa Diyos kapag lumilitaw ang mga negatibong pangyayari at bagay na ito. Tinatalakay ba nito ang mahahalagang isyu? Tinatalakay nito ang paninindigan ng isang tao at ang landas na tinatahak niya, pati na ang saloobin niya sa Diyos, sa katotohanan, at sa tungkulin niya. Samakatwid, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, dapat ninyong maunawaan na ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Huwag ninyong ituring ang mga ito bilang mga doktrina, tuntunin, o regulasyon na kailangang ipatupad at isakatuparan, bagkus ay pagnilay-nilayan ninyo ang mga ito para maunawaan ninyo ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa at pasukin ninyo ang mga ito, kapag nagkagayon ay matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia ang masasamang tao, huwag kayong patulog-tulog sa pansitan, huwag iwasan ang mga responsabilidad ninyo gamit ang iba’t ibang dahilan, sabihing saglit pa lang kayong nananampalataya sa Diyos, maliit pa ang tayog ninyo, o na bata pa kayo, atbp. Kapag sinusuri ng Diyos ang gawain, kapag namamatnugot Siya ng mga kapaligiran para makita ang saloobin mo, hindi Niya tinitingnan ang edad mo, kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, o kung ano ang halagang minsan mong ibinayad at kung anong mga merito ang nakamit mo; gustong makita ng Diyos ang kasalukuyan mong saloobin. Kung karaniwan ay hinding-hindi mo pinagninilayan o hinahanap ang mga usaping ito, at pinagdaraanan mo lang ang bawat usapin nang may magulong isipan at nang walang natatandaan, nang hindi hinahanap ang katotohanan, nang hindi natututunan ang dapat mong matutunan, o nang hindi sineseryoso ang iba’t ibang kapaligiran na pinamatnugutan ng Diyos, kung tumatakas ka kapag nakikita mong nanggugulo at nanggagambala ang masasamang tao, at hindi mo ito kailanman iniuulat sa sambahayan ng Diyos o hindi mo ipinapakita ang saloobin mo, kung gayon, kahit hindi ka nakilahok sa paggawa ng masama, ang asal mo sa usaping ito ay nagbubunyag na sa paninindigan at pananaw mo—isa kang miron, na pumapanig kay Satanas. Sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi mo Siya malilinlang. Kaya, kapag nangyayari ang mga negatibong usaping ito, kapag nakakatuklas ka ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, malinaw nitong ibinubunyag ang saloobin mo sa Diyos. Maaaring saglit ka pa lang na nananampalataya sa Diyos, maaaring medyo bata ka pa, at maliit ang tayog mo, pero kung kumikilos ka ayon sa mga prinsipyo kapag nangyayari ang mga bagay na ito, at kung sinusubukan mong pigilan, limitahan, o ilantad pa nga ang masasamang tao, kung sumusugal ka at inilalagay ang sarili mo sa panganib para tumindig at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—kung may ganito kang puso, kung gayon, ang saloobin mo sa Diyos, pati na ang determinasyon mong magpatotoo sa Diyos at labanan si Satanas, ay magiging isang patotoong makikita ng mga tao at ng Diyos. Ang masasamang gawa ng mga tao, ang panloloko at pagtatago nila sa Diyos, ang pag-iwas nila sa mga responsabilidad, ang pagsuko at pakikipagkompromiso nila kay Satanas kapag gumagawa ito ng kasamaan—makikita ng Diyos ang lahat ng ito, at papangasiwaan at hahatulan ang masasamang gawang ito balang araw. Pero gayundin, kapag ang mga tao ay tumitindig laban sa mga panggagambala at panggugulo ni Satanas para magsalita para sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, at lumalaban kay Satanas para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, naghahangad sa katotohanan nang may pag-aasam na magpatotoo sa Diyos, kahit minsan ay nararamdaman nilang wala silang magawa at na mag-isa sila, walang dunong, mababaw lang ang pagkaunawa sa katotohanan, o na gusto nilang makipagbahaginan sa katotohanan pero hindi nila maipahayag nang malinaw ang sarili nila, na nagiging dahilan para kutyain o hamakin sila ng iba—nakikita ng Diyos ang sinseridad nila, at itinuturing Niya ang mga kilos at asal na ito bilang mabubuting gawa. Balang araw, hahatulan at magwawakas ang masasamang gawa sa harap ng Diyos, at gayundin ang mabubuting gawa—pero ang huling kongklusyon ng dalawang uri ng pag-asal na ito ay ganap na magiging magkaiba. Ang masasamang gawa ay makakatanggap ng nararapat na parusa, at ang mabubuting gawa ay susuklian ng mabubuting pagtrato. Matagal na itong itinakda ng Diyos para sa bawat tao, naghihintay lang Siya na ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao sa panahon ng gawain ng Diyos ay maging mga tiyak na katunayan bago Niya gantimpalaan ang mabuti at parusahan ang masama.
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay nagdedetalye ng labing-isang isyu tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Mahalaga ba ang labing-isang isyung ito? Malinaw bang ibinubunyag ng mga ito ang mga tao? Kapag nagbabahaginan kayo tungkol sa bawat isyu, dapat mas pagsumikapan ninyo ito para malinaw ninyong maunawaan ang katotohanan. May kinalaman ito sa kung paano itinataguyod ng mga tao ang katarungan at mga positibong bagay, at kung paano nila itinataguyod ang patotoo ng Diyos; may kinalaman din ito sa kung paano tumitindig ang mga tao para labanan si Satanas, ilantad at ibunyag ang mukha ni Satanas, at pigilan at limitahan ang masasamang gawa ni Satanas—ito ang dalawang aspektong may kinalaman dito. Kapag ginagambala at ginugulo ni Satanas ang gawain ng iglesia, may ginagampanan ka bang papel? Anong papel ang ginagampanan mo? Nagawa mo na ba ang hinihingi ng Diyos sa iyo? Natupad mo na ba ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat tuparin ng isang tagasunod ng Diyos? Kapag lumilitaw ang mga isyung ito, nakikipagkompromiso ka ba, tinatabunan mo ba ang problema, at pinipili mo bang maging nyutral bilang isang mapagpalugod ng mga tao, o tumitindig ka ba para pigilan at limitahan ang masasamang gawa ni Satanas, nakikipagtulungan ka ba sa mas maraming tunay na kapatid para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ba ang pinoprotektahan mo? Pinoprotektahan mo ba ang interes ng masasamang tao, ang mga interes ni Satanas, o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Kung may nangyaring anumang nakakagambala o nakakagulo sa gawain ng iglesia, at wala kang ginagawa, kumikilos lang bilang isang mapagpalugod ng mga tao at pinoprotektahan ang sarili mo, sinisiguradong matagumpay mong napapangasiwaan ang mga ugnayan mo sa mga tao at hindi ka napipinsala, nang hindi kailanman nag-aalala o nababalisa na nagugulo ang gawain ng iglesia, nang walang anumang pagkamuhi o galit sa masasamang gawa ng masasamang tao, nang walang anumang pasanin para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng lahat ng kapatid, nang walang anumang pakiramdam ng pagkakautang sa Diyos, at nang walang anumang pakiramdam ng pagsuway sa sarili, kung gayon ay nasa panganib ka. Kung sa pananaw ng Diyos ay isa ka talagang mapagpalugod ng mga tao, pasibong nagmamasid sa kung anumang nangyayari nang nakahalukipkip at umiiwas dito, at hindi tinutupad ang anumang mga responsabilidad o obligasyon mo, kung gayon ay tunay na nasa panganib ka at malamang na itiwalag ka ng Diyos. Kung maisip ng Diyos na huwag ka nang pahintulutan na magtrabaho man lang, at nayayamot na Siya sa iyo, kung gayon, sa puntong ito, nakatadhana ka nang matiwalag, na siyang napakamapanganib! Kapag sinabi ng Diyos na ayaw na Niyang makita ang mga taong katulad mo, at na hindi Niya pinapahalagahan ang mga taong tulad mo na gumagawa ng anumang tungkulin o nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos, maaari kang itiwalag ng iglesia balang araw, sa hindi malayong hinaharap, na magpapabago sa kapalaran mo. Iyon ay dahil hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos o lumayo ka sa Diyos at ipinagkanulo mo Siya, at humantong ito sa isang resulta. Nakikita mo ba ang katunayang ito? Kapag napagtanto mo ang katunayang ito, natatanggap mo man ito o hindi, maglalaho sa isang iglap ang lahat ng magandang inaasam mo sa puso mo.
Kapag unang nananampalataya sa Diyos ang mga tao, may masigasig na puso silang lahat. Bagama’t hindi nila makita ang hantungan nila sa hinaharap o ang kinabukasan nila, palagi silang nakakaramdam ng isang uri ng pagsandig sa Diyos. Palagi nilang inaasam ang mga maganda at positibong bagay. Saan ba nagmumula ang lakas na ito? Hindi alam ng mga tao; hindi nila ito maintindihan: “Pare-pareho lang naman ang mga tao, lahat ay nabubuhay sa iisang hangin at sa ilalim ng iisang araw. Kaya, bakit wala ng mga ganitong bagay sa puso nila ang mga hindi nananampalataya, samantalang tayo ay mayroon?” Hindi ba’t isa itong misteryo? Ang lakas na ito ay nagmumula sa Diyos. Isa itong napakahalagang bagay; hindi ito isang bagay na taglay na ng mga tao mula nang ipanganak sila. Kung taglay na ito ng lahat ng tao mula pa noong ipanganak sila, magiging pare-pareho sila; sa sangkatauhan ay walang magiging pagkakaiba sa pagitan ng mataas o mababa, marangal o hamak, at wala nang magiging pagkakaiba sa pagitan ng mga nananampalataya sa Diyos at sa mga hindi nananampalataya. Ang wala sa kanila, maaaring magkaroon ka; maaaring magkaroon ka ng pinakamahalagang bagay na umiiral sa sangkatauhan. Bakit ito tinatawag na pinakamahalagang bagay? Dahil mismo sa pag-asa at ekspektasyong ito, nagagawa mong ituon ang isip mo sa paggawa ng mga tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pinakapundamental na kondisyon para matamo ng isang tao ang kaligtasan. Dahil sa ekspektasyong ito kaya may pagkakataon ka, at kaunting kapasyahan na maging handa na gumugol para sa Diyos, na gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha, at maging isang mabuting tao, isang taong naligtas. Sadyang napakalaki ng mga pakinabang na naidudulot nito. Kaya, saan ba nanggagaling ang bagay na ito? Nanggagaling ito sa Diyos; ibinibigay ito ng Diyos. Gayumpaman, kapag ayaw na ng Diyos sa isang tao, binabawi ang bagay na ito. Hindi na siya nasasabik o umaasa sa magagandang bagay; hindi na niya inaasahan ang mga ito. Ang puso niya ay nagdidilim at nagsisimulang malugmok. Nawawalan siya ng ganang hangarin ang anumang bagay na maganda o positibo, pati na ang mga pangako ng Diyos. Naging katulad na lang siya ng isang taong mga walang pananampalataya. Kapag nawala ang bagay na ito, maaari pa ba siyang manatili sa sambahayan ng Diyos at manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos? Hindi ba’t nagwakas na ang landas ng pananalig niya sa Diyos? Kapag nawala na sa iyo ang paunang kondisyong ito ng pagkakaroon ng kapasyahang maghangad, nagiging isa ka nang naglalakad na bangkay. Ano ang ibig sabihin ng “naglalakad na bangkay”? Ibig sabihin ay hindi mo na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Kapag may ganito kang paunang kondisyon, maaari mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, maaari kang magkaroon ng pag-asa, maaaring mapukaw ang pananalig mo; at ang paunang kondisyong ito ay makapagbibigay sa iyo ng motibasyong hangarin ang katotohanan. Gayumpaman, kapag nawala sa iyo ang pundamental na kondisyong ito, nawawala ang motibasyong ito. Wala ka nang sigasig o interes na makinig sa mga salita ng Diyos. Hindi ka na interesado at nahihikayat sa mga pangako at inaasahan. Para sa iyo, naging isa nang matayog na teorya ang mga salita ng Diyos. Hindi mo na pinagsusumikapan ang mga ito, at hindi ka na binibigyang-liwanag ng Diyos. Hindi mo makamit ang anumang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nagwakas na para sa iyo ang landas na ito ng pananalig sa Diyos? Kapag umabot na sa puntong ito, itinaboy ka na ng Diyos; magagawa mo pa bang baguhin ang isip ng Diyos? Hindi ito magiging madali. Kapag napagpasyahan ng Diyos na ayaw na Niya sa isang tao, ganito ang mararamdaman niya sa loob-loob niya. Kapag naalis ang bagay na ito, ang saloobin mo sa iba’t ibang usapin gaya ng pananampalataya sa Diyos, paggawa sa mga tungkulin mo, at kaligtasan ay magiging ganap na iba kumpara sa dati. Kapag pinagninilayan mo ang dati mong masigasig na paghahangad, hindi mo ito maiintindihan, mauunawaan, o mapapaniwalaan. Kapag hindi mo ito mapaniwalaan, ang sarili mo ngayon kumpara sa dating ikaw, nagkaroon na ng pagbabago sa kalidad ng iyong panloob na kalagayan; magiging ganap na ibang tao ka na, hindi ka na magiging gaya ng dati. Bakit ba ito mangyayari? Hindi dahil sa nagbago ang kapaligiran; hindi dahil sa tumanda ka na at naging mas tuso; hindi dahil nagkaroon ka ng mas maraming karanasan at kabatiran sa buhay, na nagpabago sa mga iniisip at pananaw mo. Sa halip, mangyayari ito dahil nagbago ang isip ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga kaisipan, at nagbago ang Kanyang saloobin at mga inaasahan sa iyo. Kaya naging ibang tao ka na nang hindi mo sinasadya. Kung titingnan ito ngayon, kung nawala ng isang tao ang ibinigay ng Diyos sa kanya, kahit na ito ang pinakamaliit at pinakawalang-halagang bagay para sa kanya, sa puntong ito, ang taong iyon ay hindi makakaahon sa pagdurusa at mawawalan ng anumang kasiyahan. Kaya, huwag kailanman umabot sa puntong iyon. Kapag nangyari ito, maaaring maramdaman mong nawala ang bigat sa mga balikat mo, na malaya ka na, maluwag ang pakiramdam, na hindi mo na kailangang manampalataya sa Diyos o gawin ang mga tungkulin mo; at na pwede kang mamuhay nang malaya at imoral tulad ng mga walang pananampalataya, tulad ng isang ibong nakawala sa hawla. Pero iyon ay isa lang pansamantalang kaginhawaan, kagalakan, at pagpapalayaw sa sarili. Habang nagpapatuloy ka, tingnan mo ang landas sa unahan—magiging ganito ka pa rin ba kasaya? Hindi. Mahirap ang mga darating na panahon! Kapag namumuhay ka sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, paano man pinamamatnugutan ng Lumikha ang mga bagay-bagay para sa iyo, anuman ang ginagawa Niya sa iyo at paano man Niya ito ginagawa, gaano man karaming pagsubok at kapighatian ang idinudulot Niya, gaano man karaming pagdurusa ang tinitiis mo, o kahit na lumitaw ang kawalan ng pagkaarok, mga maling pagkaunawa, at iba pang bagay, sa pinakamababa, mararamdaman mong nasa mga kamay ka ng Diyos, ang Diyos ang sandigan mo, at payapa ang puso mo. Pero kapag ayaw na sa iyo ng Diyos, at hindi mo na malaman kung paano ka tinatrato ng Diyos, at kapag nawala ang sandigan mong ito, para bang gumuguho ang buong mundo mo. Parang noong bata ka pa, at ang iniisip mo lang ay, “Si Nanay ang pinakakaibig-ibig, si Nanay ang pinakanagmamalasakit at pinakanagmamahal sa akin, hindi pwedeng mamatay si Nanay.” Hindi mo makayanan noong narinig mong may sakit ang iyong ina. Inisip mo na kapag talagang namatay ang iyong ina, babagsak ang langit, at hindi ka na makakapagpatuloy sa buhay. Ganito rin ang katwiran pagdating sa pananampalataya sa Diyos. Ang pinakamalaking kapayapaan at kagalakan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay nagmumula sa pagsandig sa Diyos, sa pananampalataya na ang tadhana ng isang tao ay nasa mga kamay ng Lumikha. Ang kapanatagan ng isang tao ay nagmumula sa pagkakaroon ng tunay na pagtitiwala at pagsandig na ito. Kapag naramdaman mong nawala na ang tiwala at pagsandig na ito, at hungkag ang pakiramdam ng puso mo, tulad ng isang bagong hukay na butas, hindi ba’t gumuho na ang langit mo? May lakas ka bang magpatuloy sa buhay kapag nawala ang sandigan mo? Ang mga gayong tao ay katulad ng mga naglalakad na bangkay, kain lang sila nang kain habang naghihintay sa katapusan nila.
Ngayon, may ilang tao na palaging nagpapakita ng masamang asal, at patuloy na gumagawa ng kasamaan at ginagambala, ginugulo, at pinipinsala ang gawain ng iglesia habang ginagawa ang mga tungkulin nila, hanggang sa puntong nagdudulot na sila ng malalaking kawalan sa interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpakita ng sinseridad o katapatan sa Diyos, lalong hindi sila nagpakita kailanman ng pagpapasakop. Dahil dito, hindi sila kailanman kinilala ng Diyos. Masasamang tao sila na nakapasok sa sambahayan ng Diyos na ang layunin ay magkamit ng mga pagpapala. Pinapayagan sila ng Diyos na makapasok para matuto ng mga aral at lumago sa pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos. Bagama’t kabilang din sila sa mga tinawag, hindi sila hinirang dahil sa ugaling palagi nilang ipinapakita. Kumusta ang kondisyon nila? Maaari kayong magtanong; hindi maayos ang takbo ng mga buhay nila. Ang kalidad ng buhay ng mga sumasandig sa Diyos at tumatanggap sa Kanyang pagtutustos saanman, kailanman ay ibang-iba sa kalidad ng buhay ng mga hindi tumatanggap sa pagtutustos at tulong ng Diyos, at palagi silang nahuhulog sa walang hanggang hukay kapag may mga sitwasyon silang kinakaharap. Ang mga hindi tumatanggap sa pagtutustos ng Diyos ay walang kapayapaan o kagalakan; buong araw silang nakakaranas ng takot, pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Anong uri ng mga araw ang ginugugol nila? Madali bang gumugol ng mga araw sa walang hanggang hukay? Hindi ito madali. Kung isasantabi ang walang hanggang hukay na ito, kahit palagi kang negatibo sa loob ng ilang araw, magdurusa ka nang labis. Samakatwid, pahalagahan ang kasalukuyang panahon, at huwag palampasin ang malaking pagkakataong ito. Isang karangalan ang gawin ang tungkulin mo sa anim-na-libong-taong gawain ng pamamahala ng Diyos. Isa itong karangalan para sa bawat tao. Hindi ito kahiya-hiya; ang susi ay kung paano mo tinatrato at sinusuklian ang karangalang ito na natanggap mo mula sa Diyos. Itinaas ka ng Diyos; huwag mong balewalain ang Kanyang kabutihan. Dapat mong malaman kung paano suklian ang biyaya ng Diyos. Paano mo ba ito dapat suklian? Hindi kailangan ng Diyos ang pera o buhay mo, at hindi Niya ninanais ang anumang pamanang kayamanan mula sa pamilya mo. Ano ba ang nais ng Diyos? Nais ng Diyos ang sinseridad at katapatan mo. Paano naipapamalas ang sinseridad at katapatang ito? Sa pamamagitan ng pagsisikap mo na gawin ang pinakamakakaya mo para gumugol ng sinserong puso at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, anuman ang Kanyang sabihin. Ano ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang katotohanan. Kapag kinilala at tinanggap mo ang katotohanan, paano mo ba ito dapat isabuhay? Dapat kang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ang mismong sinasabi ng Diyos. Huwag mo bastang sabihin na isasagawa mo ang katotohanan at pagkatapos ay gagawin mo ang gusto mo kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, saka ka magdadahilan at magsasabi ng mga mapagpanggap at mapagkunwaring salita, nang walang sinseridad at katapatan—ayaw ng Diyos na makita ito. Ang pinakamahalagang bagay sa isang tao ay sinseridad. Paano ba dapat umasal ang isang sinserong tao? Dapat niyang gawin ang mismong hinihingi ng Diyos, dapat siyang magpursigeng sumunod sa mga salita ng Diyos. Kahit pa maging labis-labis ang paggawa niya nito na tila sumusunod siya sa mga regulasyon, kaya maaaring isipin ng iba na isa siyang hangal, dapat wala siyang pakialam. Dapat pa rin siyang sumunod sa mga salita ng Diyos. Ang nais ng Diyos ay ang sinseridad na ito mula sa mga tao. Kung palagi kang nagpapakana at tuso, at hindi ka kailanman handang magmukhang hangal sa mata ng iba, o magdusa ng kahit katiting na kawalan sa sarili mong mga interes, kung gayon ay hindi mo kayang isagawa ang katotohanan dahil wala kang sinseridad. Ang mga taong walang sinseridad at sinusubukan pa ring maging mapanlinlang ay sobrang tuso, at ayaw sa kanila ng Diyos. Kapag isinasagawa nila ang mga salita ng Diyos, namimili sila, isinasagawa lang nila ang kapaki-pakinabang sa kanila at iniiwasan nila ang hindi kapaki-pakinabang. Madalas silang magsalita nang kaaya-aya, panay mga engrandeng ideya ang nililitanya nila, pero kapag lumilitaw ang mga problema, nagtatago sila, naglalahong parang bula, at nagpapakita lang silang muli kapag nalutas na ng iba ang mga problema. Napakasama ng gayong uri ng tao. Kapag kapaki-pakinabang sa kanila ang isang bagay, nag-iinisyatiba sila at umaaksiyon; mas maagap sila kaysa kahit na sino. Gayumpaman, kapag nakataya ang personal nilang mga interes, umuurong sila at nagiging negatibo. Nawawala ang lahat ng kanilang kaaya-ayang salita, paninindigan, at pananaw. Ayaw ng Diyos sa ganitong uri ng tao. Mas gugustuhin pa Niya ang isang taong mukhang hangal sa mata ng iba kaysa sa isang taong tuso na gaya nito.
XII. Pagtatalakay sa Politika
Natapos na nating pagbahaginan ang labing-isang isyung nakapaloob sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bukod sa labing-isang isyu, magdadagdag pa tayo ng isa. Bagama’t hindi ito karaniwang nakikita sa buhay iglesia, kailangan itong talakayin dito, ito ang magiging ikalabindalawang isyu—ang pagtatalakay sa politika. Angkop ba ang pagtatalakay ng mga politikal na paksa sa buhay iglesia? (Hindi.) Ang buhay iglesia ay para sa pagbabasa ng salita ng Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagbabahagi sa pagkaunawa sa Diyos at kaalamang batay sa karanasan ng isang tao sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, sa panahong ito, may ilang tao na nagtatalakay nang matagal tungkol sa politika, tulad ng mga sitwasyong politikal, mga personalidad sa politika, kalagayang politikal, mga pananaw sa politika, at mga paninindigang politikal. Angkop ba ito? Kapag tinatalakay ang mga paksang tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa sangkatauhan, basta-bastang iniuugnay ng ilang tao ang ideya na ang mga personalidad sa politika ay nasa mga kamay rin ng Diyos, sinasabi nila na may ilang personalidad sa politika na nananampalataya at sumusunod din sa Diyos, at nagsusulat pa ng mga espirituwal na tala at kung ano-ano pa. Hindi ba’t nakakalito ito sa iba? May ilang tao pang nagsasabi, “Tayong mga Kristiyano ay dapat sumuporta sa politikong ito dahil hindi lang siya nananampalataya, kundi pinoprotektahan din niya ang mga interes nating mga mananampalataya. Kaisa natin siya, at dapat natin siyang suportahan at ihalal.” Sa buhay iglesia, masigasig pa nilang ikinakampanya ang politikong ito. Angkop ba ito? Nakikilahok ba ang mga Kristiyano sa politika? (Hindi.) Ano ba ang pwede mong gawin para makaiwas ka sa pakikilahok? Una, anuman ang partidong sinusuportahan mo, o anuman ang mga pananaw mo sa politika, huwag mo itong dalhin sa buhay iglesia para pagtalakayan. Siyempre, mas mahalaga na ang mga debate sa pagitan ng mga taong may magkaibang pananaw sa politika ay hindi dapat mangyari sa buhay iglesia. Halimbawa, kung ikaw at ang isa pang tao ay may magkaibang pananaw at sumusuporta sa magkaibang personalidad sa politika, maaaring gustuhin ninyong pag-usapan ito kapag nagkikita kayo; pinahihintulutan ito, pero hinding-hindi ninyo ito pwedeng gawin sa mga pagtitipon. Pwedeng magpadala kayo ng mga pribadong mensahe sa isa’t isa, pwedeng magtagpo kayo at mag-usap, o kahit magtalo kayo hanggang sa mamula ang mga mukha ninyo, at walang makikialam; karapatan ito ng isang mamamayan sa ilalim ng demokratikong sistema. Pero sa panahon ng buhay iglesia, hindi ka lang isang mamamayan ng isang bansa; ang mas mahalaga, isa kang miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa ganitong kapaligiran, iyon ang pagkakakilanlan mo. Huwag mong dalhin sa iglesia ang mga politikal na paksa o ang mga paksang tungkol sa mga personalidad sa politika. Ang tinatalakay mo ay kumakatawan lang sa personal mong paninindigan at mga pananaw, hindi sa iglesia. Ang iglesia ay hindi interesado sa politika, ni sa anumang politikal na sistema, personalidad, lider, o grupo, dahil ang mga usaping ito ay walang kinalaman sa katotohanan at walang kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos. Ang anumang paksang may kaugnayan sa politika ay hindi dapat banggitin sa buhay iglesia. Sinasabi ng ilan, “Kung gayon, ayos lang ba na magtipon ang lahat at pag-usapan ito sa labas ng buhay iglesia?” Mas mabuting huwag na lang. Kung gusto mong sumali sa talakayan ng mga walang pananampalataya na may magkakaibang pananaw sa politika, nasa iyo na iyon; kalayaan mo iyon, at hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Pero hangga’t magkakasama ang mga miyembro ng iglesia, o sa panahon ng mga pormal na pagtitipon, huwag mong banggitin ang mga pananaw o argumento tungkol sa politika bilang mga pangunahing paksa, at huwag magpanggap na ang mga pananaw mo sa politika ay may kaugnayan sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga pananaw mo sa politika ay ganap na walang kinalaman sa katotohanan, napakalayo ng mga ito sa isa’t isa, kaya huwag ka nang magpanggap!
May ilang tao na gustong pag-usapan ang politika pero wala silang makausap tungkol dito sa tahanan nila, kaya hindi kailanman nangyayari ang usapan. Kapag nakita nilang mga nasa hustong gulang na ang lahat ng kapatid, iniisip nilang may natagpuan na silang lugar para pagtalakayan ang politika at ibulalas ang mga pananaw nila sa politika. Nasasabik sila sa pagkakaroon ng ganitong magandang pagkakataon, gusto nilang makipag-usap tungkol sa mga pananaw sa politika, mga kasulukuyang kaganapan, at sa pandaigdigang sitwasyon. Kapag tinatalakay nila ang mga ito, sinisimulan nila sa: “Lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang politika ng sangkatauhan at ang mga politikong ito ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Inorden sila ng Diyos.” Pagkatapos ng pambungad na ito, magsisimula na silang magtalakay nang mahaba tungkol sa politika at mga kasalukuyang kaganapan, at magtatapos sa, “Ang politika ay hindi makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; lahat ng ito ay may mabuting kalooban ng Diyos.” Kung hindi makilatis ng mga tao ang usaping ito, hindi sila dapat magsalita nang walang ingat tungkol sa mga ito. Ang pagbahaginan ang katotohanan ay ang pagbahaginan ang katotohanan; huwag pagtalakayan ang politika o mga personalidad sa politika. Ang pagtatalakay sa politika ay hindi pakikipagbahaginan sa katotohanan, nakalilihis ito sa mga tao. Kung gusto mong makipag-usap tungkol sa politika, humanap ka ng grupo ng mga taong mahilig sa politika at makipag-usap ka sa kanila; magagawa mong makipagtalakayan hangga’t gusto mo. Ano ang pakay mo sa palaging pagtatalakay ng mga paksang ito sa iglesia? Sinasadya mo bang subukang mapahanga ang mga tao at piliin ka nila bilang isang lider? Ito ay pagkakaroon ng mga lihim na motibo! Ang mga taong mahilig mag-usap tungkol sa politika ay mga taong hindi gumagawa ng kanilang mga wastong gampanin at tiyak na hindi naghahangad sa katotohanan. Huwag kailanman pag-usapan ang mga politikal na paksa sa mga pagtitipon ng iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi natin pwedeng pag-usapan ang tungkol sa mga demokratikong halalan, sistemang politikal, at mga polisiya ng malalayang bansa, paano naman ang politika at mga iskandalo ng matataas na opisyal sa bansa ng malaking pulang dragon, tulad ng kung gaano karaming ginto ang ninakaw ng isang tiwaling opisyal, o kung ilan ang mga kabit niya? Pwede ba nating talakayin ang mga bagay na ito?” Hindi ka ba nasusuklam sa mga paksang ito? Bakit ba masyado ninyong pinapahalagahan ang mga kasuklam-suklam na bagay na ito? Bakit pakiramdam Ko ay kasuklam-suklam ang pagmamalasakit at pagbabasa tungkol sa mga usaping ito? May mga tao na talagang interesado sa mga bagay na ito, hindi talaga sila nasusuklam sa mga ito. Handa silang basahin ang tungkol sa mga bagay na ito sa online, ginagawa nila ito kapag may oras sila. Kapag binabasa nila ang tungkol sa mga bagay na ito, gumiginhawa, napapanatag, at nasisiyahan ang pakiramdam ng puso nila. Bakit hindi nila nararamdaman ang ganitong kasiyahan sa pagbabasa ng salita ng Diyos? Hindi ba’t medyo ubod ito ng sama? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa mga wastong gampanin? Sa mga gayon kagandang panahon, makapagpapasaya na sa lagay ng loob mo kahit ang maglakad-lakad lang sa bakuran, lumanghap ng sariwang hangin, at pagmasdan ang tanawin. Pero may ilan na ayaw gawin ang mga bagay na ito; sa halip, sa tuwing may libre silang oras, nakatitig lang sila sa computer, nagtitingin ng balita, nangangalap ng tsismis—kung sinong tiwaling opisyal ang napag-alamang may ilang kabit, kung gaano karaming ari-arian ang kinumpiska mula sa bahay ng kung sinong tiwaling opisyal, kung sinong mataas na opisyal ng malaking pulang dragon ang nagpabagsak sa kung sino, o kung sino ang nagpapatay sa kung sino. Ito ang mga bagay na karaniwan nilang pinagtutuunan ng pansin. Pakiramdam nila ay puno sila ng kaalaman matapos makalap ang impormasyong ito, na pagkatapos ay ibinabahagi nila sa lahat ng tao sa mga pagtitipon. Hindi ba’t pagpapakalat ito ng lason? Hindi ba’t napakanormal lang para sa mga diyablong iyon na gumawa ng masasamang gawa? Sinasabi ng ilang tao, “Normal sa kanila na gumawa ng masasamang gawa, pero hindi mo lubos na maiisip ang ilan sa mga kakila-kilabot na bagay na ginagawa nila.” Bakit iisipin pa ang mga iyon? Binigyan ka ba ng utak para maisip mo ang mga buktot na bagay na ginagawa nila? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa iyong mga wastong gampanin? Iniisip mo ba na mas nakakahigit ka dahil alam mo ang ilang kahindik-hindik na kabuktutan? Ano ang makakamit mo rito? Hindi ba’t lalo ka lang masusuklam dahil dito? Ang mga taong ito na nagpapabaya sa kanilang mga wastong gampanin ay palaging nagpapahalaga sa mga bulgar, ubod na samang usapin sa larangan ng politika. Hindi ba’t ang babaw nila mag-isip? Bakit palagi mong inaalala ang mga usapin nila sa halip na mamuhay ng sarili mong buhay? Hindi ba’t kahangalan ito? Wala ka bang magawa? Sinasabi ng ilan, “Ang mga mananampalataya ay inuusig ng malaking pulang dragon. Dapat nilang kamuhian ang malaking pulang dragon. Tiyak na interesado ang mga mananampalataya sa mga iskandalo, katiwalian, pang-aabuso, at kalaswaan ng matataas na opisyal ng malaking pulang dragon, pati na rin sa mga lihim na gawain ng mga ito. Hindi ba’t dapat na magpalakpakan sa tuwa ang mga mananampalataya kapag nalalantad ang mga iskandalong ito?” Nananampalataya at sumusunod ka ba sa Diyos para lang matamo ang mga bagay na ito? Ang pagtalakay sa mga usaping pampolitika sa iglesia, lalo na sa mga iskandalong nalalantad tungkol sa mga opisyal ng malaking pulang dragon, ay labis na kasuklam-suklam. Hinding-hindi mo ito dapat talakayin! At huwag mo rin Akong kausapin tungkol dito; nasusuklam Ako rito! Sinasabi Ko sa iyo, huwag mo itong talakayin at huwag kang magbabasa ng tungkol dito, kung hindi, darating ang araw na pagsisisihan mo ang pagbabasa sa mga bagay na iyon. Kapag pinagsisisihan mo na ito, malalaman mo kung ano ang pakiramdam; walang katapusan ang pagiging kasuklam-suklam ng mga bagay na ito. Ang sobrang pakikinig at pagbabasa tungkol sa mga bagay na ito ay walang maidudulot na pakinabang. Bakit Ko sinasabing wala itong pakinabang? Sa pagbababad ng isipan mo sa mga ganitong kasuklam-suklam na usapin, hindi mo na nanaising marinig ang mga salita ng Diyos. Kahit na may kaugnayan sa politika ang mga paksang ito, ang mga usaping iyon ay mas lalo pang kasuklam-suklam. Kung gusto mong pag-usapan ang mga bagay na ito, makipag-usap ka sa mga walang pananampalataya hangga’t gusto mo, sabihin mo ang anumang gusto mong sabihin sa kanila, pero anuman ang mangyari, huwag mo itong talakayin sa buhay iglesia o kapag kasama ang mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagtatalakay sa mga imoral at buktot na gawain ng mga nakakataas na opisyal ng malaking pulang dragon ay nakakatulong sa mga kapatid na lumago sa pagkilatis at hinahayaan silang makapaglabas ng galit nila.” Ano ba ang silbi ng paglalabas ng galit? Ang paglalabas ba ng galit ay pagpapatotoo? Obligasyon o tungkulin mo ba ito? Ang pag-uusap tungkol sa mga bagay na iyon ay walang silbi, at wala talagang halaga. Kahit gaano mo pa ilantad ang mga buktot na gawa ng malaking pulang dragon, hindi ito tatandaan ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung tatalakayin mo kung paano mo naranasan ang pag-uusig ng malaking pulang dragon, kung paano mo nalampasan at napagtagumpayan ang pananakot at mga pagbabanta nito, at kung paano ka sumandig sa Diyos at nanindigan sa patotoo mo sa gayong kapaligiran, tinatanggap ito ng Diyos. Pero ang pagtalakay tungkol sa politika ay walang kinalaman sa buhay pagpasok, at hindi ito tinatanggap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Inilalantad ko ang katiwalian ng mga opisyal ng malaking pulang dragon, kung paano sila gumagastos ng sampu-sampung libong yuan sa isang kainan, o kung magkano ang ginagastos nila sa mararangyang hotel; ayos lang ba ito?” Ano naman ang kinalaman ng mga iyon sa iyo? Hindi ba’t sadyang ganoon talaga ang mundong ito at ang lipunang ito? Sino ba ang ipinaglalaban mo? Hindi ito pagpapatotoo sa Diyos, hindi rin ito paglalantad sa esensya ng malaking pulang dragon, at hindi rin ito pagpapamalas ng paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon. Huwag mong lituhin ang mga tao o huwag kang maging mapagpaimbabaw; wala sa mga ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ang korupsiyon ng mga tiwaling opisyal at politiko ay walang kinalaman sa atin, at hindi rin ito isang bagay na kailangan nating ilantad. Huwag mong alalahanin ang mga usaping ito. Ang mga bagay na ito ay umiral na sa rehimen ni Satanas sa buong kasaysayan, at ang ginagawa nila ay walang anumang kinalaman sa pagdanas natin sa gawain ng Diyos o sa pagpapatotoo sa Diyos. Kaya, anuman ang mangyari, huwag mong ihalo ang mga paksang iyon sa paksa ng “paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon at paglalantad dito para magpatotoo sa Diyos,” at huwag mong talakayin ang mga kakaiba, kasuklam-suklam, at buktot na usaping ito sa buhay iglesia o sa gitna ng mga kapatid. Kung talagang gusto mong pagtalakayan ang politika, gawin mo ito kasama ang mga walang pananampalataya. Paano mo man ito talakayin nang pribado sa mga taong may gayong libangan at hilig ay ayos lang. Personal mo iyang libangan at hilig; kalayaan at karapatan mo ito, at walang nakikialam. Pero sa mga panahon ng pagtitipon at sa harap ng mga kapatid, huwag mong talakayin ang mga usaping ito. Kahit may gustong makinig, huwag mo itong talakayin, dahil nakakaapekto ito sa buhay iglesia at sa pagkaunawa ng hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanan.
Kahit tungkol pa ito sa politika o sa mga iskandalo sa pribadong buhay ng mga politiko, huwag talakayin ang mga paksang ito sa buhay iglesia. Kung ang isang tao ay hindi interesado sa nilalaman ng mga pagtitipon sa buhay iglesia at palagi niyang gustong pag-usapan ang mga usaping ito, tinatalakay ang mga ito sa bawat pagtitipon, ano ba ang dapat gawin ng mga kapatid? Dapat nilang pigilan ang mga gayong tao, sabihin nila, “Oras ng pagtitipon ngayon, huwag mong talakayin ang mga walang kwentang bagay na iyan. Kung gusto mong pag-usapan ang mga iyan, umuwi ka na lang at doon mo talakayin iyan!” Paano kung hindi sila mapigilan at patuloy pa rin sila sa pagsasalita tungkol sa mga ito? Palabasin sila, at sabihing bumalik na lang kapag tumigil na sila. May isa pang mas epektibong paraan: Sa sandaling buksan nila ang bibig nila para magsalita tungkol sa politika, tatayo ang mga kapatid at lilipat sa ibang silid, para sarili na lang nila ang kausapin nila. Sa madaling salita, umiiral talaga ang mga taong mahilig makipag-usap tungkol sa politika. Pinapabayaan ng mga gayong tao ang mga wastong gawain, hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi pinagninilay-nilayan kung paano mahusay na magagawa ang tungkulin nila, hindi pinagninilay-nilayan ang mga suliranin sa gawain ng iglesia o na kinakaharap ng mga kapatid, at hindi pinagninilay-nilayan kung ano ang mga totoong problema nila na nangangailangan ng solusyon—hindi nila pinagninilay-nilayan ang mga wastong usaping ito. Sa halip, pinagninilay-nilayan lang nila ang mga ubod ng sama, baluktot na usaping iyon, at talagang masigasig sila tungkol sa mga ito. Lalo na ngayon, na malawak at madali nang makuha ang impormasyon mula sa iba’t ibang uri ng plataporma—tinutulutan nito ang mga tao na matugunan ang mga libangan at hilig nila. Hindi tayo nakikialam sa kanilang mga libangan at hilig, pero may regulasyon ang sambahayan ng Diyos na ang pag-uusap tungkol sa mga politikal na paksa sa mga pagtitipon ay itinuturing na problema ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kaya, ang mga paksang ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng buhay iglesia at kapag nagsasama-sama ang mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Ipinagbabawal ang mga paksang ito, pero paano naman ang iba’t ibang pananaw namin sa politika, kung aling partido ang aming gusto o hindi gusto, kung sino ang ibinoboto namin o hindi—nakikialam ba ang iglesia sa mga usaping ito?” Linawin natin ito: Iboto mo ang sinumang gusto mo, gustuhin mo ang sinumang gusto mo—hindi nakikialam ang iglesia sa mga usaping ito, kalayaan mo ito. Hindi ba’t napakaluwag na ng ganitong pakikialam? Ganap mo nang tinatamasa ang iyong mga obligasyon at karapatang pantao bilang mamamayan; hindi ba’t sapat na ang pagrespeto na iyon? Ayos na ito; pero gusto mo pa rin makapagsalita nang malaya at hangga’t gusto mo sa iglesia? Salungat iyan sa mga patakaran. Kung makakatagpo ka ng mga gayong tao, maghanap ng paraan para pigilan sila. Una, makipagbahaginan nang malinaw sa kanila, sabihin mo: “Baguhan ka ba sa pananalig? Ito ba ang una mong pagtitipon, at hindi mo alam ang mga patakaran ng sambahayan ng Diyos? Kung gayon, sasabihin ko sa iyo: Ang lugar na ito ay lugar ng pagtitipon, at ang oras na ito ay oras ng pagtitipon. Anuman ang mga pananaw o ideya mo sa politika, hinding-hindi mo ito dapat ipakalat sa iglesia, at huwag mong talakayin ang mga ito sa mga pagtitipon. Ayaw naming marinig ito, at hindi rin kami obligadong makinig sa sinasabi mo tungkol sa mga bagay na ito. Mali ang napili mong lugar. Pagkatapos ng pagtitipon, kapag nilisan mo na ang lugar na ito, pwede mong sabihin ang anumang gusto mo; walang makikialam. Kalayaan mo iyan.” Kung nakakaunawa sila at natatandaan nila ang sinabi mo, at hindi na nila ito babanggitin sa susunod, ayos na iyon, at ipinakita nilang may kaunti silang katwiran. Pero kung pagkatapos ng pagbabahaginan ay patuloy pa rin silang nagsasalita nang ganito, palaging nagbabahagi ng mga pananaw sa politika sa bawat pagtitipon, dapat ba silang pigilan sa pagsasalita? (Oo.) Sangkot man sila sa politika o hindi, basta’t may isang tao na nagsasalita tungkol sa mga politikal na paksa, dapat itong ituring na katulad ng pagbuo ng mga paksiyon, pakikipag-agawan sa katayuan, pagbubulalas ng pagkanegatibo, at iba pang mga gayong pag-asal na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga gayong tao ay hindi dapat pakitaan ng anumang paggalang; dapat silang pigilan at limitahan. Siyempre, ang mga taong nagsasalita tungkol sa politika ay hindi agad na masama o mabuti; maaaring mahilig lang talaga sila sa mga ganitong isyu at paksa. Pero makakatiyak tayo na hindi talaga naghahangad sa katotohanan ang mga taong ito. Sa madaling salita, malinaw nang napagbahaginan ang prinsipyo sa pangangasiwa sa mga taong ito: Sabihin sa kanila ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Kung pagkatapos ipaliwanag nang malinaw ang mga ito ay patuloy pa rin silang nagsasalita tungkol sa mga politikal na paksa at hindi sumusunod sa mga babala, ihiwalay na sila. Pwede lang silang magpatuloy na mamuhay ng buhay iglesia pagkatapos nilang magsisi. Kung hindi sila magsisisi kailanman, huwag na silang padaluhin sa mga pagtitipon. Dapat ganoon lang kasimple ang pangangasiwa sa usaping ito. Huwag gawing komplikado ang simpleng usapin, hindi ito kapaki-pakinabang sa sinuman.
Hulyo 24, 2021