Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 18

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga ito, at Ituwid ang mga Bagay-Bagay; Dagdag pa rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga ito (Ikaanim na Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Buhay Iglesia

X.Pagpapakalat ng mga Tsismis na Walang Batayan

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga ito, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga ito.” Para sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia na nakikita sa buhay iglesia, hinati-hati natin ang mga ito sa labing-isang isyu. Basahing muli ang mga ito. (Una, madalas na paglayo sa paksa kapag pinagbabahaginan ang katotohanan; ikalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang paghanga ng mga ito; ikatlo, paglilitanya tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pangangasiwa sa mga personal na usapin; ikaapat, pagbubuo ng mga paksiyon; ikalima, pakikipag-agawan para sa katayuan; ikaanim, pagpasok sa mga di-wastong relasyon; ikapito, pakikipag-away at pambabatikos; ikawalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; ikasiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; ikasampu, pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan; at ikalabing-isa, pagmamanipula at pagsabotahe sa mga halalan.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikasiyam na isyu. Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikasampu—pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan.

A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagpapakalat ng mga Tsismis na Walang Batayan

Naganap na sa iglesia ang mga insidente ng pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan. Ang ilang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan sa paggampan ng tungkulin nila; sa mga usapin mang may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga personal nilang paghahangad, hindi sila nakatuon sa paghahangad sa katotohanan—walang puwang sa puso nila ang mga pagtuong ito. Sa pananampalataya nila sa Diyos, mahilig lang silang magtanong tungkol sa mga tsismis at personal na impormasyon, at mangalap ng mga kakaiba at di-pangkaraniwang mga kuwento. Siyempre, mas masigasig sila sa pag-uusisa sa mga usaping may kaugnayan sa Diyos at sa gawain ng Diyos, pati na rin sa mga usapin tungkol sa sambahayan ng Diyos at sa mga lider at manggagawa ng iglesia. Kasabay nito, mahilig silang magpakalat ng mga tsismis nang walang batayan, ipinapakalat nila ang mga bagay na narinig nila o nasa imahinasyon nila na hindi naman talaga totoo. Hindi mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos ang mga gayong tao, bihira silang magdasal, at sa mga panahon ng mga pagtitipon ay madalang silang makipagbahaginan sa katotohanan at bihira nilang talakayin ang sarili nilang kalagayan, mga personal na paghahangad at pagpasok, o ang pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos, at iba pa. Siyempre, hindi sila interesado sa mga naghahangad sa katotohanan o sa mga nakikipagbahaginan tungkol sa patotoong batay sa karanasan ng mga ito, ni hindi sila interesado sa mga usaping ito. Gayumpaman, sa sandaling marinig nila na tinatalakay ng isang tao kung anong punto na ang naabot ng gawain ng Diyos, o sa sandaling makita nila ang nilalaman ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga sakuna, mga hantungan ng mga tao, pagbabagong-anyo ng Diyos, at iba pa, biglang nagniningning ang mga mata nila, at nagiging labis silang nakatuon. Sa sandaling mabasa o marinig nila ang mga salitang ito, agad silang nagiging interesado. Batay sa mga pagpapamalas ng mga taong ito, malinaw na hindi sila nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan, o para gawin ang tungkulin nila at sundin ang Diyos, at tiyak na hindi para magpasakop at sumamba sa Diyos. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos at hindi talaga nila pinag-iisipan ang paggawa sa anumang tungkulin. Gusto lang nilang mag-usisa at mapangalap ng ilang tsismis o magpakalat ng ilang sabi-sabi. Nasisiyahan sila sa mga aktibidad na ito at wala silang anumang interes sa mga patotoong batay sa karanasan, sa mga himno, o sa mga pelikula ng sambahayan ng Diyos. Gusto lang nilang mag-online para mangalap ng mga pahayag at pagsusuri na sinasabi ng mga pwersang anticristo sa relihiyosong komunidad tungkol sa sambahayan ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa nagkatawang-taong Diyos. Kahit na paminsan-minsan nilang tinitingnan ang mga video ng sambahayan ng Diyos, hindi ito dahil sa panloob na pananabik na hangarin ang katotohanan para lutasin ang mga sarili nilang problema. Kaya, ano ang tinitingnan nila? Tinitingnan nila ang mga komento sa ilalim ng mga video, at pinipili nila ang mga binabasa nila. Nilalampasan nila ang mga komento mula sa mga kapatid sa iglesia bagkus ay partikular silang interesado sa mga komento mula sa relihiyosong komunidad at sa mga walang pananampalataya. Partikular pa nga nilang tinitingnan ang mga komento at pahayag mula sa malaking pulang dragon, sinusubukan nilang makatuklas ng ilang bagay mula sa mga ito. Kapag nakikita nila ang mga negatibong propaganda, pahayag, at gawa-gawang tsismis na ito, hindi nila hinahanap ang katotohanan at kinikilatis ang mga ito; sa halip, nagagawa pa nga nilang tanggapin ang ilang negatibong komento at pahayag na ito, at ituring ang mga ito bilang mga katunayan. Gaano man karami ang mga positibong komento roon, ayaw nilang basahin ang mga ito at hindi sila naniniwala na totoo ang mga ito; tanging iyong mga negatibong komento at mga tsismis ang nakakakuha ng atensiyon nila at nakapagpapasaya sa kanila. Sa tuwing nakikita nila ang mga negatibong komentong ito, labis silang nasisiyahan at nagiginhawahan sa loob-loob nila. Partikular silang interesado sa mga tsismis at paghusga na ganap na hindi totoo, at maging sa mga pambabatikos at paninirang-puri laban sa Diyos, na kumakalat sa mundo, sa relihiyosong komunidad, o sa online, at palagi nilang masipag na inaaral at kinakalap ang mga ito. Sa kabaligtaran naman, walang-wala silang interes sa mga salita, sermon, at pakikipagbahaginan ng Diyos, sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid, at sa iba pang mga gayong bagay. Kaya, kapag ang iba ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikipagbahaginan sa katotohanan, at nagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan sa mga pagtitipon, nakakaramdam sila ng pagtutol, at tingin nila ay abala at paimbabaw ang mga bagay na ito. Sa puso nila, partikular silang tutol na pagbahaginan ang katotohanan at pagtalakayan ang pagkakilala sa sarili. Kaya, ano ang gusto nilang marinig? Gusto lang nilang marinig ang mga kakaiba at kakatwang bagay, maging ang mga ito man ay mga misteryo mula sa espirituwal na mundo o mga tsismis at sabi-sabi na ipinapakalat ng relihiyosong komunidad—sadyang handa talaga silang makinig sa mga bagay na ito. Ang puso nila ay puno at okupado ng mga negatibong bagay na ito, at walang makapag-aalis ng mga negatibong bagay na ito mula sa kanila o makapaglalayo sa kanila mula sa mga negatibong bagay na ito. Bakit ganito? Dahil masyado silang interesado at mahilig sa mga ito! Samakatwid, kapag kasama nila ang mga kapatid, lalo na sa mga pagtitipon, mahilig silang makipagtalakayan tungkol sa mga tsismis na walang batayan, at nagpapakalat pa sila ng mga tsismis na walang batayan tungkol sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia na nakikita nila sa online. Interesadong-interesado ang mga taong ito sa mga tsismis na ito. Bagama’t alam na alam nila na hindi kapaki-pakinabang sa iba ang pagpapakalat ng mga bagay na ito, hindi nila makontrol ang sarili nila at ipinipilit nilang ipakalat ang mga ito. Kahit pa kailangan nilang maghanap ng mga oportunidad para ipakalat ang mga tsismis at negatibong propagandang ito, o kahit kailangan nilang gumugol ng oras sa pangangalap ng mga gayong bagay, o gamitin ang utak nila para mag-imbento ng mga gayong bagay, wala pa ring kapaguran ang pagiging masigasig nila rito. Kung, sa isang iglesia, ang mga lider ng iglesia ay may mahinang kakayahan at hindi nakakagawa ng totoong gawin o nakakakilatis ng mga tao, kapag nagkaroon ng mga taong nagpapakalat ng mga tsismis at panlilinlang, magugulo at maaapektuhan ang buhay iglesia, at malilihis at makokontrol pa nga ng mga indibidwal na ito ang ilang tao. Bakit maraming tao ang madalas na nagugulo at nalilihis ng iba? Ang isang dahilan ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang pagkilatis sa mga tsismis na naninira sa sambahayan ng Diyos. Ang isa pa ay na hindi pa hinog ang tayog ng ilang kapatid na maiksing panahon pa lang na nananampalataya, hindi nila nauunawaan ang katotohanan ng mga pangitain, at malabo sa kanila ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, at ang layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao, hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay na ito, at hindi nila tiyak kung ang yugtong ito ng gawain ay ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Dahil dito, wala silang tunay na pananalig at ni hindi nila alam kung gaano katagal sila makakasunod sa Diyos. Natural na napakadali rin nilang malihis, maimpluwensiyahan, at makontrol ng mga nagpapakalat ng mga tsismis.

B. Ang Diwa ng Pagpapakalat ng mga Tsismis na Walang Batayan ay Pagkilos Bilang Alagad ni Satanas

Ang mga taong ito na nagpapakalat ng mga tsismis nang walang batayan walang dahilan ay hindi lang hindi naniniwala sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, kundi hindi rin nila makilatis kung ano ang tama sa mali. Palagi nilang pinagdududahan ang mga positibong bagay at madali silang mapaniwala ng mga tsismis at maladiyablong salita. Sinasabi ng mga taong ito na nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos, pero nagpapakalat pa rin sila ng mga tsismis na naninira sa Diyos at sa iglesia, at ipinapakalat nila sa mga kapatid ang kung ano-anong tsismis na nakalap nila, walang pakundangan at paulit-ulit pa nga nilang ipinapakalat at isinasapubliko ang mga ito kung saan-saan. Batay rito ay malinaw na ang mga taong ito ay hindi nagmamahal sa katotohanan at naniniwala lang sa mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya. Sa tumpak na salita, hindi talaga sila hinirang na mga tao ng Diyos at hindi sila mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, ano sila? Para maging tumpak, ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya, mga alagad sila ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga alagad ba ni Satanas ay mga espiyang pinadala ng CCP? Mga ahente ba silang pinapasok ang sambahayan ng Diyos?” Hindi naman awtomatikong ganoon nga. Madaling makilatis ang mga ahente at espiyang iyon, pero ang mga taong ito na nagpapakalat ng mga tsismis ay mukhang mga totoong mananampalataya sa panlabas. Gayumpaman, hindi nila hinahangad ang katotohanan, at madalas silang kumilos bilang mga tagapagsalita ni Satanas, at sa ngalan ni Satanas ay nagpapakalat sila ng mga salita na naninira at bumabatikos sa Diyos, at ipinapakalat nila ang mga tsismis na gawa-gawa ni Satanas tungkol sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos. Batay rito, sino man ang nagpadala sa kanila, hindi ba’t mga alagad ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) Aktibo man nilang kinalap o pasibo nilang narinig ang mga tsismis na ito, hindi naiisip ng mga taong ito na hanapin ang katotohanan at kilatisin ang mga ito, bagkus ay pinaniniwalaan nilang katunayan ang mga ito. Walang pakundangan at walang habas pa nga nilang ipinapakalat at ipinapalaganap ang mga ito sa mga tao, at hindi lang sa isang lugar o sa isang okasyon. Ang layon nila sa pagpapalaganap sa mga tsismis na ito ay para malaman ng mas maraming tao ang mga ito, para lalong mapahina ang mahihina, at para ang malalakas at mga may pananalig sa Diyos ay pagdudahan Siya at ang gawain Niya nang dahil sa mga tsismis—ito ay para gawing di-interesado ang lahat sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa kaligtasan, at sa halip ay gawing interesado ang mga ito sa kung ano-anong tsismis at negatibong propaganda, gaya lang ng mismong mga indibidwal na ito, para sa tuwing nagtitipon-tipon ang mga tao, pag-uusapan nila ang mga negatibong bagay na it. Gagawin ba ng mga normal na tao at ng mga taong may pagkatao at katwiran ang mga gayong bagay? Kapag naririnig ng karamihan ng tao ang mga tsismis o kung ano-anong negatibong propaganda, kahit hindi nila alam kung totoo ba o hindi ang mga tsismis, dahil sa pananalig nila sa Diyos at sa kaunting may-takot-sa-Diyos na puso na mayroon sila, lalapit sila sa harap ng Diyos para magdasal at hanapin ang katotohanan. Kahit na naiimpluwensiyahan sila ng mga tsismis at medyo nanghihina at nagdududa sila, hindi ito makakaapekto sa paggampan ng tungkulin nila o sa pagsunod nila sa Diyos. Magbibigay-babala pa nga sila sa kanilang sarili na maging maingat sa sasabihin nila at umiwas sa paggawa ng mga bagay na lumalaban o sumasalungat sa Diyos. Ang ganitong pamamaraan ay isang bagay na kayang makamit ng karamihan ng kapatid. Hangga’t ang mga tao ay may kaunting pagkatao, kaunting tunay na pananalig, at kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, kaya nila itong makamit. Dahil naniniwala ang mga tao na umiiral ang Diyos, dapat silang maniwala na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Dahil ito ay ginawa ng Diyos, hindi dapat gumawa ng anumang pagsusuri ang mga tao tungkol dito. Dapat silang makatiyak na: “Anuman ang sinasabi ng mga tsismis mula sa labas ng iglesia, hindi ako pwedeng maniwala sa mga ito, at lalong hindi ko pwedeng ipakalat ang mga ito. Kahit na medyo nanghihina at nagdududa ako sa puso ko, hindi ko dapat ikaila ang pag-iral ng Diyos!” Kung naniniwala ang isang tao sa pag-iral ng Diyos, dapat siyang maniwala na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos; kung naniniwala siya sa pag-iral ng Diyos, dapat siyang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos—ganap na tama ito. Dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, anumang mga tsismis ang marinig niya, mag-iingat siya sa mga sinasabi niya, hindi siya magpapakalat ng mga tsismis, hindi siya malilinlang ni Satanas, at hindi siya mahuhulog sa mga pakana ni Satanas. Hindi ba’t isa itong bagay na madaling magawa ng mga tao? (Oo.) Nagtataglay ka ng normal na pag-iisip at katwiran, kaya kapag nakakarinig ka ng mga tsismis, ipapakalat mo man ang mga ito o hindi ay ganap nang nasa sa iyo. May iba bang kumokontrol sa iyo? (Wala.) Kaya, pagkarinig sa mga tsismis na ito, hindi ba’t dapat na maging malinaw sa mga tao kung paano nila dapat na pangasiwaan ang mga ito, at paano nila dapat tratuhin ang mga ito at paano sila dapat na magsagawa para makaayon sila sa mga prinsipyo, at nang may pagkatao at katwiran? Ang lahat ay dapat na magkaroon ng ganitong kaunting paghusga at dapat nilang maunawaan ang pamamaraan at landas na ito ng pagsasagawa nang hindi na kinakailangang turuan sila ng iba. Kahit ang mga bata ay alam na hindi sila dapat magpakalat ng mga tsismis, at na ito ay walang respeto, imoral, at naghahasik ng alitan, at na hindi dapat maging ganitong uri ng tao; ito ang mga kaisipan at asal na dapat taglayin ng mga taong may normal na katwiran. Gayumpaman, may isang uri ng tao na walang gayong katwiran, at sa mas malaking antas, ay walang gayong pagkatao. Dahil dito ay gusto nilang magpakalat ng mga tsismis at negatibong propaganda sa mga malapit sa kanila sa lalong madaling panahon pagkarinig sa mga bagay na ito, para ang lahat ay magkakasamang magsuri, maghusga, at mag-imbento sa mga ito, at pagkatapos ay ipakalat ang mga tsismis na ito sa mas maraming tao. Iniisip nila, “Hindi ba’t ang galing nito? Hindi ba’t ang sigla nito? Kung ang buhay iglesia ay puno ng ganitong nilalaman, magiging napakasagana nito! Magkakamit ang mga tao ng napakaraming kaalaman!” Anong klaseng mga kaisipan at pananaw ang mga ito? Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaisipan at pananaw ng isang masamang tao? Anong klaseng lohika ito? Hindi ba’t desperado silang magkaroon ng kaguluhan? Hindi ba’t hindi nila matiis na makitang maganda ang kalagayan ng iba? Sa puso nila, inuuyam pa nila ang mga kapatid: “Mga hangal kayo, nagkalat na ang mga tsismis kung saan-saan sa labas ng iglesia; naglipana ang mga negatibong pagsusuri, pambabatikos, at paninirang-puri laban sa sambahayan ng Diyos, lalo na laban kay Cristo at sa gawain ng Diyos. Sa mga iglesia ng relihiyosong komunidad, nakapaskil ang kung ano-anong uri ng negatibong propaganda. Sa sandaling marinig ng mga tao roon ang ‘Kidlat ng Silanganan,’ nagbabato agad sila ng mga pagkondena at nilalayo ang sarili nila. Puno ng kritisismo at pagkondena ang lahat ng tao sa inyo, pero kayong mga hangal ay narito pa rin at nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan!” Naaasiwa at nasusuklam sila kapag nakikita nila ang mga taong itong nananampalataya sa Diyos na may matibay na pananalig. Sa partikular, kapag nakikita nilang ang pakikipagbahaginan ng isang tao sa katotohanan ay nagpapakita ng tunay na pagkaunawa at ng isang pagbabago sa disposisyon, at na hinahangaan siya ng lahat, namumuhi sila sa taong iyon. Kapag nakikita nila ang isang taong pinanghahawakan ang mga prinsipyo, nakakakuha ng mga resulta, at nagpapakita ng katapatan sa pagganap ng tungkulin nito sa sambahayan ng Diyos, nagagalit sila at sinasabi nila, “Bakit ba hindi ka makinig sa mga tsismis at propaganda mula sa labas ng iglesia? Bakit napakahangal at sinsero mo? Tingnan mo kung gaano ako kamautak—kaalyado ko ang magkabilang panig. Lumalahok ako sa buhay iglesia ng sambahayan ng Diyos at hindi ko sinasabi na hindi ako nananampalataya sa Diyos, at kung hindi ako pinapayagang gumawa ng isang tungkulin, hindi ako papayag, pero inuusisa ko rin ang mga balita mula sa labas ng iglesia. Patuloy akong nagbibigay atensiyon sa negatibong propaganda at mga komento mula sa relihiyosong komunidad, sa mundo ng mga walang pananampalataya, at sa internet.” Palagi silang may di-wastong pananaw. Hindi sila nasisiyahan sa loob-loob nila kapag nakikita nilang naghahangad sa katotohanan at gumagawa ng mga tungkulin ang mga kapatid. Palagi nilang gustong ilihis at ilayo ang isa o dalawa sa mga taong iyon, at palagi pa nga nilang gustong guluhin at impluwensiyahan ang ilan sa mga ito. Palagi rin nilang gustong “gisingin” ang ilang tao sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga tsismis, para maniwala ang mga ito sa mga tsismis at malihis. Sabihin ninyo sa Akin, ano bang klaseng tao ito? Angkop bang ituring ang mga gayong tao bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos at bilang mga kapatid? (Hindi.) Kung gayon, ano ang pinakaangkop na paraan para ituring sila? Pinakaangkop na ituring sila bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga alagad ni Satanas. Hindi ito walang batayang pagkondena o pag-agrabyado sa kanila; isa itong katunayan.

Ano ang kasuklam-suklam sa mga taong ito na nagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan? Saan man nila naririnig ang mga negatibong propaganda, kahit na alam na alam nila na mga tsimis ito at mga maladiyablong salita na walang anumang batayan sa katunayan, ipinapakalat pa rin nila ang mga ito sa iba nang walang kapagurang kasigasigan. Ano ang kalikasan nito? Ang isang taong may-takot-sa-Diyos na puso ay makakaramdam ng pagkasuklam kapag nakarinig siya ng mga tsismis. Lalo na pagdating sa mga salitang bumabatikos at nang-iinsulto sa Diyos, hinding-hindi niya babanggitin ang mga ito para hindi maging marumi ang bibig niya, na nagpapatunay na mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Sinasabi niya, “Ang paghusga at palapastangan ng iba sa Diyos, at pambabatikos at pangmamaliit nila sa iglesia, ay usapin nila. Hindi ako dapat makibahagi sa mga kasalanan nila. Ang paninirang-puri nila sa Diyos ay isa nang matinding paghihimagsik at isang mabigat na kasalanan—hindi ko kayang sabihin ang mga salitang ito gamit ang sarili kong bibig. Hindi ko dapat sabihin ang mga bagay na katulad sa mga sinasabi nila. Hinding-hindi ko gagawin ito!” Gayumpaman, iyong mga alagad ni Satanas ay kayang ulitin ang kada salita ng negatibong propaganda at mga tsismis na naririnig nila, at ginagawa nila ito nang paulit-ulit at nang walang anumang pag-aalinlangan, ipinapakalat pa nga nila ang mga ito kung saan-saan. Ang mga taong ito ba ay may kahit kaunting may-takot-sa-Diyos na puso? Natatakot ba sila sa Diyos? Hindi, hindi sila natatakot. Sa panlabas, naniniwala rin sila sa pag-iral ng Diyos, pero ang paniniwala ay hindi katumbas ng pagkilala na ang Diyos ang Lumikha na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Naniniwala rin si Satanas na may Diyos sa mundo at sa sansinukob at sa lahat ng bagay, pero paano nito tinatrato ang Diyos kapag nakikipag-usap ang Diyos dito? Paano ito nakikipag-usap sa Diyos? Mayroon ba itong may-takot-sa-Diyos na puso? Tinuturing ba nitong Diyos ang Diyos? Hindi. Anong pamamaraan ang ginagamit nito para makipag-usap sa Diyos? Sinusubukan, nililinlang, at tinutuya nito ang Diyos, na para bang nakikipagbiruan. Nang tanungin ng Diyos, “Saan ka nanggaling?” paano sumagot si Satanas? (“Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7).) Mga salitang pantao ba ang mga ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Bakit nagsalita si Satanas sa ganitong paraan? Anong uri ng saloobin ang nagbubunga ng mga gayong salita? Hindi ba’t isa itong panunuya? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng panunuya? Ito ay pang-aasar sa isang tao, tama ba? “Hindi ko sasabihin sa iyo kung saan ako nanggaling. Ano ang magagawa mo?” Kinausap ni Satanas ang Diyos, pero hindi nito intensiyong ipaalam sa Diyos kung ano talaga ang nangyayari—tumatanggi itong sabihin iyon sa Diyos at sa halip ay inaasar lang nito ang Diyos. Panunuya ito. Ang saloobin bang ito ay nagpapakita ng anumang tanda ng pagtrato sa Diyos bilang Diyos? Mayroon bang anumang tanda ng pagrespeto o takot sa Diyos dito? Walang-wala—ito ang mukha ni Satanas. Iyong mga nagpapakalat ng mga tsismis ay kayang kaswal na ipakalat ang mga ito sa mga kapatid. Alam na alam nilang hindi totoo ang mga tsismis na ito, pero ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ipakalat ang mga ito, naghahanap sila ng bawat pagkakataon at okasyon para gawin ito. Hindi ba’t ito ang asal at pamamaraan ni Satanas? Ganito kumikilos si Satanas. Kinikilala nito ang pag-iral ng Diyos at alam nito na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero wala itong kahit kaunting takot sa Diyos. Ito ang mukha ni Satanas, ito ang kalikasang diwa ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilang kapatid, “Bagama’t hindi hinahangad ng taong ito ang katotohanan, sinsero naman ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Nang marinig niyang ihihiwalay o papaalisin siya ng iglesia, labis siyang nabalisa na naiyak at nag-aalala siya nang labis, tinubuan pa nga siya ng mga singaw sa bibig! Ayaw niyang umalis sa sambahayan ng Diyos; naniniwala siya sa pag-iral ng Diyos. Kaya, anuman ang gawin niya, dapat natin siyang ituring bilang kapatid, at bigyan siya ng pagmamahal at pagpaparaya, at kahit kapag nagpapakalat siya ng mga tsismis, dapat pa rin natin siyang tratuhin nang may pagmamahal para tulungan at suportahan siya.” Tama ba ang mga salitang ito? Katotohanan ba ang mga ito? (Hindi.) Nagsalita ang Diyos ng napakaraming salita, pero hindi pa rin naniniwala ang mga taong ito sa mga salitang iyon. Gayumpaman, gaano man karaming tsismis ang bigkasin ng mga diyablo at mga Satanas, pinaniniwalaan ng mga taong ito ang lahat ng iyon, at walang pakundangan pa nga nilang ipinapakalat ang mga tsismis na ito para batikusin at siraan ang Diyos. Batay lang dito, hindi sila karapat-dapat na tawaging mga kapatid. Tama ba ito? (Oo.) Dahil kaya nilang walang pakundangang magpakalat ng mga tsismis, siraan ang Diyos, batikusin ang Diyos, at siraan ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia, may sapat na dahilan tayo para ituring sila bilang mga alagad ni Satanas, bilang mga Satanas. Sila ay mga kaaway ng Diyos at mga kaaway ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya, paano natin dapat tratuhin ang mga kaaway natin? (Itakwil sila.) Tama iyan, dapat natin silang itakwil.

May ilang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Pagkarinig nila ng mga tsismis, bagama’t hindi nila hayagang ipinapakalat ang mga ito sa loob ng iglesia, palihim naman nila itong ipinapakalat sa mga taong malapit sa kanila. Ang ilang taong walang pagkilatis ay nagiging negatibo at mahina kapag naririnig ang mga tsismis na ito; ang ilan ay tumitigil sa pagdalo sa mga pagtitipon, at ang ilan ay lumalayo sa iglesia—pero hindi pa rin inaamin ng nagpakalat ng mga tsismis na ang kanyang pagpapakalat ng mga tsismis ang nagdulot nito. Sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala at pakikipagbahaginan, patuloy nilang ginagawa ito kapag nahaharap sa mga gayong usapin, tumitigil lang sila sa hayagan at tahasang pagpapakalat ng mga tsismis sa panahon ng mga pagtitipon o sa publiko dahil sa takot na mailantad ang sarili nila, maitwakwil ng mga kapatid, o mapaalis sa iglesia, sa halip, pinipili nilang palihim na ipakalat ang ilang tsismis sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga mensahe sa iba o sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. Kung gayon, hindi ba’t masama ang mga gayong tao? Ang totoo, napakamapaminsala nila. Kahit gaano kalihim sila kumilos, ang mga motibo nila at ang kalikasan ng mga kilos nila ay kapareho ng sa mga alagad ni Satanas. Ang layon ng pagpapakalat nila ng mga tsismis ay guluhin ang paggampan ng tungkulin ng mga tao, gawing negatibo at mahina ang mga tao, para itatwa ng mga tao ang Diyos, lumayo ang mga ito sa Diyos at talikdan ng mga ito ang mga tungkulin ng mga ito. Mayroon bang nagsabi kailanman, “Ang layon ko sa pagpapakalat ng mga tsismis ay hindi para guluhin ang paggampan ng tungkulin ng mga tao o pahinain ang inisyatiba nila, kundi para tulungan silang magkaroon ng pagkilatis at palakasin ang kakayahan nilang hindi tablan ng mga tsismis, para kapag nakarinig sila ng mga tsismis, hindi na sila tatablan ng mga ito, hindi sila maniniwala sa mga ito, mahahangad nila nang wasto ang katotohanan, at magagawa nila nang payapa ang mga tungkulin nila”? May sinuman bang nagpakalat ng mga tsismis nang may ganitong layunin? (Wala.) Makatwiran ba ang pahayag na ito? Ang totoo, hindi ito makatwiran. Hangga’t kaya nilang magpakalat ng mga tsismis, lalo na iyong mga bumabatikos, naninira, at lumalapastangan sa Diyos—kaswal na sinasabi ang mga ito sa tuwing nagbubukas sila ng bibig at walang pakundangang ipinapakalat ang mga ito kung saan-saan—kahit ilang tsismis ang ipakalat nila, hayagan o palihim mang ipinapakalat ang mga tsismis, at anuman ang epekto sa mga tao, sa madaling salita, ang layon ng pagpapakalat nila ng mga tsismis ay hindi para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan o magkaroon ng pagkilatis, kundi para guluhin at ilihis ang mga tao, at para pagdudahan at lumayo ang mga ito sa Diyos—ang ginagawa nila ay nakakagulo at nakakasira sa gawain ng iglesia. Batay sa perspektibang ito, anuman ang dahilan o konteksto ng pagpapakalat ng mga tsismis, ang diwa ng mga taong nagpapakalat ng mga tsismis ay walang dudang sa mga alagad ni Satanas. Sinumang nagsasabi ng mga tsismis na naninira, bumabatikos, at lumalapastangan sa Diyos ay lumalaban sa Diyos at kaaway ng Diyos. Tama ba ito? (Oo.) Bagama’t hindi ikaw ang pinagmulan ng mga tsismis, ang katunayang nagagawa mong ipakalat ang mga ito ay nagpapatunay na pinaniniwalaan mong totoo ang mga ito o na sa loob-loob mo ay handang-handa kang maniwala sa mga ito. “Kung totoo lang sana ang mga tsismis, hindi ko na kailangang manampalataya sa Diyos, hindi magiging Diyos ang Diyos, at ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi iiral. Magiging tao lang Siya, at magiging malaya akong gumawa ng mga tsismis tungkol sa Kanya, maliitin Siya, at batikusin at siraan Siya.” Hindi ba’t iyon ang layon? Kung nananampalataya ka sa Diyos pero palagi mong gustong magsalita at kumilos nang basta-basta, hindi ba’t pagnanais ito na kontrahin ang Diyos? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Paghihimagsik ba ito laban sa Diyos? Kawalan ba ito ng pananalig sa Diyos?” Lubhang mas mabigat ang kalikasan nito. Paglaban at pagkontra ito sa Diyos. Mga kaaway lang ng Diyos ang lumalaban at kumokontra sa Diyos sa ganitong paraan. Ang tiwaling sangkatauhan, dahil sa pagkakaroon nito ng tiwali disposisyon ni Satanas at kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan at kaalaman sa Diyos, ay kayang maghimagsik laban sa Diyos. Gayumpaman, higit pa sa paghihimagsik ang ginagawa ni Satanas laban sa Diyos; ipinagkakanulo nito ang Diyos, nilalabanan ang Diyos, at kinokontra ang Diyos. Dahil dito ay nagiging kaaway ito ng Diyos. Ang ugnayan sa pagitan ng mga kaaway ng Diyos at ng Diyos ay isang ugnayan ng pagkontra. Ano ang ibig sabihin ng pagkontra? Ang ibig sabihin nito ay imposible ang pagiging magkasundo. Anuman ang sitwasyon o kapaligiran, ang pagkontra ni Satanas sa Diyos ay hindi nagbabago sa paglipas ng panahon o sa pagbabago ng lugar. Ang diwa ni Satanas ay ang kumontra sa Diyos at hindi ito nagbabago; sadyang kaaway ng Diyos si Satanas. Ang paglaban ni Satanas sa Diyos at ang pagiging hindi nito kasundo ang Diyos ay hindi tumagal nang isang araw o nang ilang taon o dekada lang; nagsimula na itong kumontra sa Diyos simula nang ipagkanulo nito ang Diyos. Kaya, kailan matatapos ang pagkontrang ito? Kahit kailan ba ay maaantig at mababago ng Diyos si Satanas? Unti-unti bang hihina ang pagkontra nito sa Diyos sa paglipas ng panahon? Hindi. Patuloy itong kokontra sa Diyos. Kailan matatapos ang pagkontrang ito? Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at natapos na ang pagseserbisyo ni Satanas at wala na itong pakinabang, at winasak na ito ng Diyos—saka matatapos ang pagkontra. At paano naman iyong mga alagad ni Satanas? Hangga’t nasa iglesia sila, patuloy nilang kokontrahin ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nananampalataya sila sa Diyos, nagbibigay sila minsan ng mga handog, nagbibigay-limos, at nagpapatuloy pa nga ng mga kapatid. Paanong kinokontra nila ang Diyos? Hindi nila Siya kinokontra; gumagawa pa nga sila ng ilang mabuting gawa.” Tama ba ang mga salitang ito? Mawawala ba ang pagkontra nila sa Diyos dahil nagpapatuloy sila ng mga kapatid at nagbibigay ng kaunting pera sa mahihirap na kapatid? Mapapatunayan ba nito na kaayon sila ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, paano nangyari ang pagkontrang ito? (Tinutukoy ito ng kalikasang diwa nila.) Tama iyan, ang kalikasang diwa nila ay labanan at awayin ang Diyos. Para sa mga gayong tao, kailangan mo silang makilatis batay sa mga salita ng Diyos: Tingnan kung sino ang mahilig mangalap ng negatibong propaganda o mga tsismis na bumabatikos at naninira sa sambahayan ng Diyos at iglesia mula sa iba’t ibang pamamaraan, at kung sino ang interesado sa mga negatibong bagay na ito at handang maniwala sa mga tsismis at maladiyablong salitang ito. Tutulutan ka nito na makita ang tunay na mukha ng mga hindi mananampalatayang ito. Ang mga taong ito ay kadalasang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, walang gana sa pakikinig sa pakikipagbahaginan ng mga kapatid tungkol sa katotohanan, at walang gana sa paggawa ng mga tungkulin nila. Palagi nilang nararamdaman na hindi interesante ang pananampalataya sa Diyos. Ano ang tinututukan nila kapag nanonood ng mga video at programa ng sambahayan ng Diyos? Kapag nakikita nila ang mga positibong komentong iniiwan ng mga relihiyosong tao, naaasiwa sila at nilalagpasan nila ang mga ito. Pero kapag nakikita nilang pumapanig ang mga relihiyosong tao at mga walang pananampalataya sa malaking pulang dragon, iniinsulto ang iglesia, iniinsulto ang sambahayan ng Diyos, at iniinsulto ang mga kapatid gamit ang mga maladiyablong salita nila, labis silang natutuwa at nasasabik. Tuwing naririnig nila ang mga negatibong propaganda at tsismis na ito, nagiging sabik sila na para bang tinurukan sila ng adrenaline, naglalakad nang masigla at nagigising pa nga mula sa pagtulog nang may kasiyahan. Hindi ba’t buktot ito? Pagmasdan mo ang mga nasa paligid mo para makita kung sino ang nabibilang sa ganitong uri ng tao; tingnan kung may disposisyon sila na namumuhi sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kung may mahanap ka ngang gayong tao, dapat labis kang mag-ingat sa kanya at kilatisin mo siya; obserbahan ang mga salita, kilos, at asal niya. Kapag nakumpirma mong isa nga siyang masamang tao, isang alagad ni Satanas, dapat mo siyang itakwil at huwag tratuhin bilang kapatid. Ang mga gayong tao ay dapat na alisin sa iglesia sa lalong madaling panahon. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit natin dapat na paalisin ang mga taong ito? Sa sambahayan ng Diyos, ang pagkakaroon ng isa pang tao ay nangangahulugan ng isa pang pagmumulan ng lakas para sa paggawa ng gawain; nagiging mas masigla rin kapag may dagdag na isa pang tao. Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, at bagama’t hindi nila minamahal o isinasagawa ang katotohanan, naniniwala sila sa pag-iral ng Diyos mula pa noong pagkabata nila, naniniwala sila sa Matandang Lalaki sa Kalangitan. Naniniwala rin sila na may diyos tatlong talampakan sa itaas nila, at higit pa rito, naniniwala sila na may ganti ang kabutihan at ang kasamaan. Karaniwan ay hindi sila nangangahas na gumawa ng lantad na masasamang gawa at handa silang tumulong sa iba. Sadyang may ganito silang munting libangan—mahilig silang magpakalat ng mga tsismis at sabi-sabi. Sa partikular, nagpapakalat sila ng mga tsismis mula sa malaking pulang dragon na naninira sa Diyos, inuulit ang mga bagay na ito nang hindi man lang pinag-iisipan masyado ang mga ito, marahil dahil sa kanilang kamangmangan at kawalan ng kaalaman.” Sa panlabas, hindi sila mukhang masamang tao at hindi nila ginambala o ginulo ang gawain ng iglesia, pero napakaaktibo nila sa pagpapakalat ng mga tsismis at palagi nilang gustong mauna sa pagpapakalat ng mga ito. Hindi ba’t dapat maging mapagmatyag ang mga tao laban sa mga gayong indibidwal? Hindi ba’t mga alagad sila ni Satanas? Halatang-halata ang diwa ng mga gayong tao! Hindi sila kailanman interesado sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, at hindi nila kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang tungkulin nila. Sa anumang bagay na ginagawa nila, hindi sila nagpapakita ng kasigasigan, hindi nila ginagamit ang puso nila, at hindi sila handang magtiis ng hirap. Kumikilos lang sila nang pabasta-basta at iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, palaging nakikipagbiruan. Sa pananalita at mga kilos nila, wala silang napapasama ng loob at kaya nilang makasundo ang lahat, mukha silang palakaibigan sa iba—sadyang mahilig lang silang mangalap at magpakalat ng mga tsismis. Mula sa mga kilos na ito, masasabi ba nating mga alagad ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) Bakit natin masasabi ito? Hindi ba’t masyado nitong pinalalaki ang mga bagay? (Hindi.) Wala silang anumang interes sa paghahangad sa katotohanan. Sa sandaling makinig sila sa isang sermon, inaantok sila; sa sandaling mapagbahaginan ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at hindi sila mapakali, tayo sila nang tayo para uminom ng tubig o pumunta sa banyo, palaging hindi mapalagay ang loob nila—para silang pinapahirapan kapag nakikinig sila sa pagbabahaginan. Gayumpaman, sa sandaling marinig nila ang mga tsismis ni Satanas o ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya, nagiging interesado sila, nagiging masigla sila, at nagsisimula silang buong sigasig na ipakalat ang mga tsismis at maladiyablong salitang ito. Mga kapatid ba ang mga gayong tao? Hindi. Tutol sila sa sa katotohanan at kinamumuhian nila ito sa kaibuturan nila. Tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa Diyos at sa gawain Niya—maging ito man ay ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, ang katayuan ng Diyos, ang dignidad ng Diyos, o ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos—hinahamak nila ang mga ito sa puso nila. Ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya naman, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Madali nilang inuulit ang kung anu-anong tsismis at mga maladiyablong salita ni Satanas, at sa ganitong paraan ay natutupad nila ang layon nila na ipalaganap ang mga ito, nang walang anumang kirot ng pagkakonsensiya. Anong uri ng buhong ito? Mga mananampalataya ba sila sa Diyos? (Hindi.) Ang mga ito ang mga kilos ng iyong mga kinikilala ang Diyos sa salita at nagsasabing sumusunod sila sa Diyos, na naniniwala na may Matandang Lalaki sa Kalangitan, na naniniwalang may diyos tatlong talampakan sa itaas nila, at naniniwalang may ganti ang kabutihan at ang kasamaan. Ito ang saloobin nila sa Diyos. Kung may nag-insulto sa mga magulang nila o nag-imbento ng mga tsismis tungkol sa mga magulang nila habang nakatalikod sila, walang duda na makikipaglaban sila hanggang kamatayan. Gayumpaman, kapag may nag-iinsulto, nambabatikos, o naninira sa Diyos, hindi lamang hindi sumasama ang loob nila, kundi nagagawa pa nilang ulitin ito bilang biro at ipakalat ito kung saan-saan. Isa ba itong bagay na dapat gawin ng isang tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Samakatwid, kapag pinaghihinalaan ang mga gayong tao bilang mga alagad ni Satanas, dapat maging alerto ang iba. Dapat na agarang ipaalam ng mga lider at manggagawa sa mga kapatid na mag-ingat sa mga taong ito, para makilatis ng lahat ang mga ito. Kapag nakumpirma na ang mga ito bilang mga alagad ni Satanas, mga diyablo, dapat sama-samang itakwil ang mga ito at alisin sa iglesia. Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? (Oo.) Kung gayon, ito ang dapat na gawin.

C. Paano Tratuhin ang mga Tsismis na Walang Batayan ng Gobyerno ng CCP at ang Relihiyosong Mundong Naninira at Bumabatikos sa Diyos

Ang gobyerno ng Komunistang Tsina at ang relihiyosong komunidad ay nag-imbento ng maraming walang batayang tsismis tungkol sa sambahayan ng Diyos, huwad na sinasabing namimilit ang mga kapatid na tanggapin ng mga tao ang ebanghelyo, at iba pa. Ano ang nararamdaman ninyo pagkarinig sa mga tsismis na ito? (Galit, masama ang loob.) Ang mga tsismis na ito ay tungkol sa inyo, at masama ang loob ninyo. Gaano kasama ang loob ninyo? Gusto ba ninyong hanapin ang mga taong nag-iimbento ng mga tsismis at makipagtalo sa kanila, turuan sila ng leksiyon? (Oo.) Ang mga tsismis na ito ay paimbabaw na pumupuntirya sa iglesia, pero ang totoo, sangkot sa mga ito ang bawat miyembro ng iglesia at ang reputasyon at integridad ng bawat miyembro. Pagkarinig sa mga ito ay sumasama ang loob ninyo, sinasabi ninyo, “Hindi namin ginawa iyon! Ipinapangaral namin ang ebanghelyo ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Para sa iyong mga ayaw manampalataya sa Diyos, hindi namin sila pinipilit kahit kailan. Boluntaryo ang pananampalataya. Hindi namin kailanman pinupwersa ang sinuman, lalong hindi namin pinipinsala o ginagantihan ang mga tao. Taliwas dito, kaming mga nangangaral ng ebanghelyo ay lubhang nabugbog ng mga relihiyosong tao at isinumbong nila kami sa pulis, inihain sa malaking pulang dragon para mapahirapan; napakarami sa amin ang nakulong, at marami-rami ang nakulong sa mga pribadong bilangguan na itinayo ng mga relihiyosong tao. Kami ang mga naaagrabyado!” Pagkarinig sa mga tsismis na ito, sumasama ang loob ninyo at gusto ninyong makipagtalo sa kanila. May ganito kayong reaksiyon dahil ang mga tsismis na ito ay direktang bumabatikos at nangmamaliit sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga tsismis na ito na nangmamaliit at humuhusga sa Diyos? Hindi sangkot sa mga ito ang mga personal ninyong interes o ang integridad at dignidad ninyo; mga tsismis ang mga ito tungkol sa Diyos. Halimbawa, noong nanampalataya ka kay Jesus noon, sinabi ng mga tao na isinilang si Jesus sa isang birhen at wala siyang ama. Ano ang naramdaman mo nang marinig mo iyon? Ginusto mo bang makipagtalo sa kanila? “Sa Diyos kami sumasampalataya!” Pagkatapos ay pinag-isipan mo ito: “Si Maria ay isang birhen, at si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen, ipinaglihi ng Banal na Espiritu. Isa itong katunayan, pero magaspang itong tinatalakay ng mga walang pananampalataya, at ayaw kong marinig iyon!” Sa pinakamatindi ay maaaring may mga gayon kang damdamin, pero sa puso mo, nararamdaman mo pa rin na ang paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay mahigpit na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi mo mapaniwalaan ang usaping ito dahil nananampalataya ka sa agham; hindi ka nananampalataya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa puso mo, ni hindi ka naniniwala na ang katotohanan ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos, at pagkatapos ay hindi mo pabubulaanan ang mga maladiyablong salita ng mga hindi mananampalataya. Dahil hindi mo taglay ang katotohanan at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, sa pinakamainam, para sa iyo ay hindi kaaya-ayang pakinggan ang mga tsismis na pinag-uusapan ng mga tao, at iniisip mo na hindi dapat magsalita ang mga tao sa ganoong paraan dahil sangkot sa mga tsismis na ito ang reputasyon mo; iniisip mo, “Labis na kasuklam-suklam at ubod ng sama ang mga walang pananampalataya! Ang kapal ng mukha nilang gumamit ng anumang maruming salita; tunay na sila ay mga hindi mananampalataya! Tunay na sila ay mga diyablo!” Iyon lang, at iyon na ang pinakamainam mong makakamit. Bakit ka nagagalit at bakit para sa iyo ay ubod ng sama at kasuklam-suklam ang mga walang pananampalataya pagkatapos mong marinig na sabihin nila ang mga gayong tsismis? Dahil sangkot sa mga ito ang reputasyon mo; nagagalit ang puso mo sa mga tsismis na ito, kaya napapahiya ka nang husto, kaya napupukaw ng mga ito ang galit mo, at tumitindig ka para magsabi ng ilang salita para pabulaanan ang mga ito. Pagpanig ba sa Diyos kapag pinapabulaanan mo ang mga ito? Ito ba ay para ipagtanggol ang pagpapatotoo ng Diyos? Hindi, ito ay ganap na para ipagtanggol ang sarili mong reputasyon at dignidad. Bakit sinasabi ito? Dahil hindi mo nakilatis ang diwa ng problema; higit pa rito, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Ang nauunawaan at nararamdaman mo ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos; ito ay pagiging pabigla-bigla ng tao at mabuting pag-uugali ng tao. Ang mabuting pag-uugali ng tao ay hindi kumakatawan sa pagpapatotoo mo sa Diyos. Hindi ka nanindigan sa patotoo mo; ipinagtatanggol mo lang ang reputasyon at dignidad mo, pinapabulaanan mo ang mga tsismis para palubagin nang kaunti ang konsensiya mo—hindi ka pumapanig sa Diyos para magsalita para sa Kanya, ni hindi mo ginagamit ang katotohanan o mga katunayan para pabulaanan ang mga tsismis at magpatotoo sa Diyos. Hindi ka nagsasalita para sa Diyos, at ang sinasabi mo ay tiyak na hindi naaayon sa katotohanan; naaayon lang ito sa mga interes ng laman mo—ito ay para lang hindi masyadong malungkot ang puso mo, at para hindi mo maramdaman na nakakahiya ang manampalataya sa Panginoong Jesus. Iyon lang. Samakatwid, kapag naririnig ninyo na binabatikos at kinokondena ng isang tao ang Diyos, minamasama at hinuhusgahan ang iglesia ng Diyos, o kinokondena pa nga kayo, labis na sumasama ang loob ninyo at gusto ninyong makipagtalo at makipagdebate sa kanila, para maibalik ang reputasyon ninyo at malinaw ang mga usaping ito. Pero nangangahulugan ba ito na nanindigan kayo sa patotoo ninyo? Malayo pa ito roon; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, walang patotoo!

Kapag nakakarinig kayo ng mga tsismis na kumakalat sa mundo sa labas na naninira at bumabatikos sa Diyos—binabatikos man ng mga ito ang Diyos sa langit o ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa—ano ang nararamdaman ninyo? Wala ba kayong pakialam, o nakakaramdam ba kayo ng kaunting kirot? Hindi ba ninyo ito matanggap at hindi ba kayo mapalagay, o pakiramdam ninyo ay wala kayong magawa? Ang ilang tao, matapos marinig ang mga tsismis na ito, ay iniisip, “Inosente ang Diyos; hindi ginawa ng Diyos ang mga bagay na ito. Bakit Siya binabatikos at sinisiraan ng mundo at ng relihiyosong komunidad nang ganito? Dapat masipag nating gugulin ang sarili natin at gawin ang mga tungkulin natin, at ipagtanggol ang pangalan ng Diyos. Kapag naisakatuparan na ang dakilang gawain ng Diyos, lalabas ang katotohanan ng lahat ng bagay, at makikita ng lahat ng tao sa mundo na ang Diyos na nagkatawang-tao na sinasampalatayanan natin ay ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos sa langit, at na hinding-hindi ito mali!” Iniisip naman ng iba, “Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, at alam na alam ng mga walang pananampalatayang masamang tao at diyablong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero sinisiraan at binabatikos pa rin nila ang Diyos. Gaano katagal ba kailangang magdusa ng Diyos?” Sinasabi pa rin ng iba, “Pwedeng sabihin ng mga tao anuman ang gusto nila; hindi natin sila pinapansin. Hindi kailanman pinabulaanan ng Diyos ang mga tsismis na naninira sa Kanya; hindi Siya tumutugon sa mga ito. Kung gayon, ano ang magagawa natin bilang maliliit na tao? Hindi ba’t palagi namang hindi nauunawaan, binabatikos, nilalapastangan, at tinatakwil ng sangkatauhan ang Diyos nang gaya nito? Walang anumang reklamo ang Diyos, at inililigtas pa rin Niya ang mga tao. Hayaan na ang panahon ang magbunyag ng lahat ng bagay; ang Diyos Mismo ang magpapatotoo sa Kanyang sarili!” Ano ang pananaw ninyo? Kanina lang ay binanggit Ko ang pagiging matatag, masama ang loob, at hindi pagpayag dito, kawalan ng magagawa—alin dito ang nararamdaman ninyo? Aling damdamin ang pinakatama? Paano dapat tratuhin ang mga usaping ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga tsismis na ito? (Masama ang loob.) Masama ang loob ninyo, at pagkatapos ay gusto ninyong magsulat ng isang pagkondena para tuligsain itong mga gumagawa ng tsismis, itong mga huwad na relihiyosong tao at masasamang tao ng relihiyon. May mga gayon ba kayong mga iniisip? Hindi sapat para sa inyo na ikuyom ang kamao ninyo sa galit, tama ba? Nakakaramdam ba kayo ng udyok na may gawin tungkol dito? O ito ba ay isang walang kabuluhang sama ng loob lang? (Mayroon ding pagkamuhi at pagtatakwil.) Sama ng loob, pagkamuhi, pagtatakwil—ito ay mga emosyong nagmumula sa mga pag-iisip, nang walang partikular na mga salita, ugali, o kilos; mga emosyon lang ang mga ito, at siyempre ay kumakatawan din ang mga ito sa mga partikular na saloobin. (Maliban sa pagkakaroon ng sama ng loob, minsan ay nagsusulat kami ng mga artikulo o gumagawa ng mga programa para linawin ang mga katunayan at ilantad na ang diwa ng mga kilos nila ay diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, para makita ng mga tao ang mga totoong katunayan.) Tatanggapin kaya ito ng mga taong iyon matapos nilang makita ang mga totoong katunayan? Kahit na tanggapin nila na tama ang sinasabi ninyo at pagkatapos ay magbigay ng patas na komento, sinasabi, “Tama ang pananampalataya ninyo; magpatuloy kayo sa pananampalataya, sinusuportahan namin kayo!” at napapahiya ang mga huwad na relihiyosong tao at sinasabi nila, “Pasensya na, nagkamali kami, hindi batay sa katunayan ang sinabi namin; mula ngayon, manampalataya kayo sa paraan ninyo, at mananampalataya naman kami sa paraan namin,” mapapanatag ba kayo dahil doon? Ito ba ang tanging layon na inaasam ninyo? (Gusto rin naming magpatotoo sa Diyos para iyong mga nagsisiyasat sa tunay na daan at uhaw sa katotohanan ay malinaw na makilatis ang tama sa mali at matanggap ang tunay na daan.) Ito ay isang landas; isa itong positibong paraan ng pagsasagawa. Kapaki-pakinabang ba ang magalit at mamuhi lang? Ano ang dahilan ng inyong galit at pagkamuhi? Bakit kayo nagagalit at namumuhi? (Nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang mga tao, na siyang pinakatamang bagay, pero nagpapakalat sila ng mga tsismis para husgahan at maliitin ang Diyos. Labis na sumasama ang loob namin, iniisip namin na talagang binabaligtad nila ang tama at mali at na walang katuturan ang sinasabi nila.) Iniisip ba ninyo na ang pagtatakwil ng sangkatauhan at ng mundo sa Diyos, pati na rin ang saloobin nila sa Diyos, ay ganito lang sa panahong ito ng pagkakatawang-tao ng Diyos? Ang saloobin ng sangkatauhan at ng mundo sa Diyos ay palaging ganito mula pa noong simula hanggang sa huli—palaging nagkokondena, naninira, nambabatikos, at naglalapastangan. Simula nang umpisahan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa ngayon, ang saloobin ng sangkatauhan sa lahat ng ginawa ng Diyos, at sa Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi nagbago. Binatikos at nilapastanganan ng sangkatauhan ang Diyos at ginawan na ng kung ano-anong tsismis ang Diyos na nagkatawang-tao bago pa man ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos.—nangyayari na ang lahat ng ito mula pa nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain at simula nang unang makatagpo ng sangkatauhan ang Diyos at ang gawain Niya, at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. At iyong mga sumusunod sa Diyos ay palaging kailangang magtiis ng pangmamaliit, pambabatikos, panghuhusga, paglapastangan, kung ano-anong tsismis, at marami pa mula sa mga rehimen ni Satanas at sa mga relihiyosong anticristong puwersang laban sa Diyos at sa iglesia. Kailangan bang tiisin ng mga tagasunod ng Diyos ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilan, “Nasusuklam kami nang husto sa mga tsismis na ito dahil ganap na binabaluktot ng mga ito ang mga katunayan at pinagbabaligtad ang tama at mali. Nagagalit kami sa sa sandaling marinig namin ang mga ito, at sa kaibuturan ng puso namin ay kinamumuhian namin ang mga gumagawa at nagpapakalat ng mga tsismis. Nanggaling man sa relihiyosong komunidad o sa maladiyablong gobyerno ng CCP ang mga tsismis na ito, iisa lang ang saloobin namin, at ito ay saloobin ng pagkamuhi at galit; at pagkatapos ay gusto namin silang pabulaanan at linawin ang lahat.” Sinasabi pa ng ilan, “Gusto naming makipagdebate sa mga diyablo at mga anticristong ito para mapahiya si Satanas!” Ito ba ang pananaw ng karamihan ng tao? Tama ba ang pananaw na ito? Kung titingnan mula sa perspektiba ng normal na pagkatao, makatwiran ito. Dapat maging medyo matuwid ang mga tao at magkaroon ng mga normal na emosyon; dapat malinaw silang magmahal at mamuhi, mahalin ang dapat mahalin at kamuhian ang dapat kamuhian. Ang mga taong may normal na pagkatao ay dapat taglayin ang mga katangiang ito. Pero, sapat na ba ang basta na lang tumayo mula sa perspektiba ng normal na pagkatao para umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Para maging mas malinaw, naaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang pamamaraang ito? O isa ba itong saloobin at pamamaraan na kinalulugdan ng Diyos? Kapag sinabi ko ito, maaaring may maarok ang karamihan ng tao, iniisip nila, “Sinabi Mo na pagtingin lang ito sa mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng normal na pagkatao. Batay sa mga implikasyon ng sinabi Mo, malinaw na ang pamamaraang ito ay pabigla-bigla, hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos.” Ano ang ibig sabihin ng pagiging hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos? Ibig sabihin nito ay hindi nais ng Diyos na kumilos ang mga tao sa ganitong paraan; hindi ganito ang mga kahilingan at mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa mga tao. Kung kikilos ka sa ganitong paraan, bagama’t hindi ito kinokondena ng Diyos, sa perspektiba Niya, hindi ito nangangahulugan na sinusunod mo ang kalooban Niya, at hindi Niya ito kinikilala. Sa panlabas, tila makatwiran kang kumikilos sa paggawa ng mga bagay na ito—kapwa mayroong pagkamuhi at pagmamahal, gustong linawin ang mga katunayang ito para sa Diyos para malaman ng buong mundo na ang Diyos ay Diyos, na ang Diyos ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, at na dapat sambahin ng lahat ang Diyos at tanggapin ng lahat ang pagliligtas ng Diyos. Sa panlabas, tila ang ginagawa mo ay walang kapintasan, makatwiran, naaayon sa batas, sa pagkatao, sa moralidad, at higit pa rito, naaayon sa panlasa ng lahat ng tao. Pero natanong mo na ba ang Diyos tungkol dito? Hinanap mo ba ang Diyos? Natagpuan mo ba ang mga prinsipyo ng pagkilos na hinihingi ng Diyos mula sa Kanyang mga salita? Ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Napakarami ng mga salita ng Diyos; hindi madaling mahanap ang mga partikular na hinihingi ng Diyos sa mga tao sa bawat usapin.” Dahil hindi mo natagpuan ang malilinaw na salita ng Diyos, maaari kang maghanap ng mga pahiwatig mula sa saloobin ng Diyos sa mga ganitong uri ng tsismis. Kung gayon, hindi ba ninyo matukoy kung ano dapat ang saloobin ng mga tao sa usaping ito at kung ano ang mga prinsipyong dapat nilang isagawa batay sa saloobin ng Diyos sa usaping ito? (Oo.) Kaya, tingnan natin kung ano ba mismo ang saloobin ng Diyos sa usaping ito.

Simula nang umpisa nang maranasan ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos, nagrereklamo at hindi na nasisiyahan ang mga tao sa Diyos, lihim pa nga silang bumibigkas ng mga kasuklam-suklam na salita ng paghihinala, pagdududa, at pagtatakwil, at iba pa, patungkol sa Diyos. Nariyan din ang iba’t ibang tsismis mula sa naghaharing partido at sa relihiyosong komunidad, na hinding-hindi alinsunod sa mga katunayan ni umaaayon sa katotohanan. Ano ang mga salitang ito ng Diyos? Ang mga ito man ay mga paghihinala, mga maling pagkaunawa, o mga reklamo, puno ang mga ito ng mga pambabatikos, paninira, at paglapastanganan laban sa Diyos, at hindi sinasalamin ng mga ito ang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso; ganito na ang sitwasyon mula pa noong umpisa. Palaging may ilan sa iglesia na hindi nagmamahal sa katotohanan. Sila ay mga hindi mananampalataya, na nagdududa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, nagpapakita ng gayong saloobin sa Diyos. Lalo na para sa iyong mga walang pananampalataya at mga ateistang naghaharing partido, iyong mga taong tutol sa katotohanan—hindi na kailangang ipaliwanag ang saloobin nila sa Diyos; walang pakundangan silang nambabatikos at nanghuhusga, sinasabi anuman ang gusto nila. Sa partikular, iyong mga Pariseo sa relihiyosong komunidad ay mas lalong sinasamantala ang pagkakataon na walang habas na manghusga at magkondena. Lahat ng komentong ito ay hindi positibo, at tiyak na hindi obhetibo at tumpak ang mga ito. Kung gayon, ano ang diwa ng mga komentong ito? Para sa Diyos, ang mga salitang ito ay hindi lang mga pahayag o pananaw, bagkus ay pangmamaliit, mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan laban sa Diyos. Bakit Ko sinasabing “sa Diyos”? Dahil tumpak na sinusukat ng Diyos ang lahat ng ito, maaari lang tayong magdagdag ng unlapi. Sa buong kasaysayan, ganito na ang naging saloobin ng sangkatauhan sa Diyos; masyado nang marami ang mga salitang bumabatikos at nang-iinsulto sa Diyos, walang ni isang salita ang may mabuting layunin. Kahit ngayon, pareho ang naririnig ng mga tainga ninyo at ang nakikita ng mga mata ninyo. Mula sa simula, hindi nagbago ang kabuuan ng saloobin ng sangkatauhan sa Diyos. Paano pinapangasiwaan ng Diyos ang mga usaping ito? May mga kondisyon at kakayahan ba ang Diyos para tipunin ang pandaigdigang relihiyosong kongreso para ipagtanggol ang sarili Niya, para linawin ang mga aktuwal na katunayan ng gawain Niya, para pangatwiranan ang sarili Niya sa sangkatauhan? Ginawa ba ito ng Diyos? Hindi, nananatiling tahimik ang Diyos, hindi Niya nililinaw ang buong sitwasyon, ni hindi Niya ipinagtatanggol o pinapangatwiranan ang sarili Niya. Gayumpaman, para sa iyong mga bumabatikos sa Diyos sa partikular na ubod na samang paraan, nagpataw ang Diyos ng ilang kaparusahan, hinahayaan ang mga katunayan na sumapit sa kanila. Tungkol naman sa mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng publiko, ano ang saloobin ng Diyos? Paano ito pinapangasiwaan ng Diyos? Hindi Niya ito pinapansin; ginagawa Niya ang dapat gawin, ginagawa Niya ito sa paraang dapat itong gawin, pinipili ang dapat Niyang piliin, ginagabayan ang dapat Niyang gabayan. Ang buong mundo ay maayos sa mga kamay ng Diyos; hindi Niya kailanman ginambala o binago ang mga plano Niya dahil sa mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng tao. Kapag sinusupil at inaaresto ng masasamang pwersa ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos, gaano man Siya ginugulo, hindi kailanman binago ng Diyos ang mga plano Niya o ang isip Niya. Ang mga iniisip at ideya Niya ay ganap na nananatiling hindi nagbabago; gaya ng dati, patuloy lang Niyang isinasagawa ang gawaing layon Niyang gawin, pinamamahalaan ang Kanyang sangkatauhan. Para sa Diyos, hindi kailanman naging hadlang ang mga pambabatikos, paninira, at paglapastanganang ito; hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito. Bakit hindi pinapangatwiranan o ipinagtatanggol ng Diyos ang Kanyang sarili? Para sa Diyos, ganap na normal ang mga bagay na ito. Ang sangkatauhan ay sangkatauhan, at si Satanas ay si Satanas. Napakanormal para sa mga tao, na hindi nakakaunawa sa katotohanan o sa mga totoong katunayan, na gawin ang mga gayong bagay. Nakakaapekto ba ito sa mga hakbang ng gawain ng Diyos? Hindi. Nagtataglay ang Diyos ng dakilang kapangyarihan; may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa lahat. Sistematikong tumatakbo ang lahat ng bagay at bawat bagay sa loob ng mga salita ng Diyos, sa loob ng mga kaisipan ng Diyos, at sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, anuman ang sinasabi o ginagawa ng sangkatauhan, hindi nito maaapektuhan ang gawain ng Diyos sa anumang paraan—ito ang kayang gawin ng isang Diyos na may banal na diwa. Kumikilos ang Diyos kapag dumating na ang oras, tinutupad ang mga plano Niya nang wala ni katiting na pagkakaiba, at walang makapagbabago nito. Ang mga komento at anumang pambabatikos o paninira ng tao sa Diyos, ang mga ito man ay mga sadyang pagtatangka para hadlangan at sirain ang gawain ng Diyos o mga di-sadyang panggugulo at pangwawasak sa gawain ng Diyos, ay hindi kailanman nakamit ang mga layon nila. Bakit? Ito ang awtoridad ng Diyos; kinukumpirma nito na natatangi ang awtoridad ng Diyos, hindi mapapalitan ng anumang pwersa, at hindi pa nalampasan ng anumang pwersa. Isa itong katunayan. May ganitong awtoridad at kapangyarihan ang Diyos, mayroong Kanyang tunay na pagkakakilanlan ang Diyos, at walang puwersa ang makapagbabago ng anumang bagay, kaya bakit pa papansinin ng Diyos ang maliliit na pambabatikos at paninira ng mga tao? Para sa Diyos, kahit gaano karaming mahalagang personalidad o gaano man kalakas na kapangyarihan sa sangkatauhan ang sumubok na makialam, manira, mambatikos, o maglapastangan sa Kanya, hindi nito kayang guluhin ang gawain ng Diyos ni kaunti. Sa halip, binibigyang-diin lang ng mga kilos na ito ang matuwid na disposisyon at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Ang mga panggugulo ng masasamang puwersa ni Satanas ay isang maliit na panahon lang sa kasaysayan ng tao. Ang kayang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan, makaimpluwensiya sa buong sangkatauhan, at makapagbago sa buong sangkatauhan ay gawain ng Diyos, plano ng Diyos, at dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ito ang katunayan. Sa kabaligtaran, kailangan pa bang pansinin ng Diyos ang pangmamaliit, mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan laban sa Kanya? Hindi. Dahil ang Diyos ay may awtoridad, para sa Diyos, ang Kanyang pahayag, “ginagawa Ko ang Aking sinasabi, mangyayari ang Aking sinasabi, at magtatagal magpakailanman ang Aking ginagawa,” ay palaging magkakatotoo; nagkakatotoo ito at natutupad araw-araw. Ito ang awtoridad ng Diyos. Tinatanong ng ilang tao, “Ito ba ang kumpiyansa ng Diyos, ang Kanyang pananalig?” Nagkakamali ka! Ang mga tao ay may kumpiyansa, kailangan ng mga tao ng pananalig, pero hindi ang Diyos. Bakit? Dahil may awtoridad at kapangyarihan ang Diyos, at paano man Siya siraan at kondenahin ng sangkatauhan, paano man manggulo at manabotahe ang mga mapanlaban na puwersa ni Satanas, walang magbabago. Samakatwid, hindi kailangang itiwalag ng Diyos ang mga mapanlabang puwersa sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na nambabatikos, naninira, at naglalapastanganan sa Kanya bago Niya isakatuparan ang Kanyang gawain. Sa anong mga sitwasyon gumagawa ang Diyos? Sa anong mga sitwasyon Siya nagkakamit ng tagumpay? Sa anong mga sitwasyon Niya naisasakatuparan ang gawain Niya? Ginagawa ito sa gitna ng halo-halong ingay ng mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng buong sangkatuhan at lahat ng mapanlabang puwersa; sa gayong kapaligiran at sitwasyon Niya isinasakatuparan ang gawain Niya. Hindi ba’t pagpapakita ito ng dakilang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t awtoridad ito ng Diyos? (Oo.) Sino ang makapagkakaila sa katunayang ito? Nangangahas ka bang hindi kilalanin na ito ang katunayan?

Sa buong kasaysayan, patuloy na sinisiraan at nilalapastanganan ng sangkatauhan ang Diyos, at sa mga huling araw, lalo pang lumakas ang mga puwersa sa buong sangkatauhan na lumalaban sa Diyos, nang may mas maraming tinig na naninira at kumokondena sa Diyos. Gumagamit ang sangkatuhan ng iba’t ibang pamamaraan, sa pamamagitan ng mga pahayagan, telebisyon, internet, at ibang midya, para siraan at batikusin ang Diyos. Pero kahit kailan ba ay nahimay na natin ang mga tsismis na ito sa lahat ng pagtitipon natin? (Hindi.) Bakit hindi? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ba ay dahil ang inosente ay nananatiling inosente, at ang mga tsismis ay namamatay kapag nakakaabot ang mga ito sa marurunong?” Iyon ba ang dahilan? (Ang mga tsismis na ito ay pangunahing hindi nakakaapekto sa gawain ng Diyos. Paano man nanggugulo si Satanas, hindi nito masasabotahe o mahahadlangan ang pag-usad ng gawain at plano ng Diyos.) Gayon mismong bagay si Satanas; hangga’t kumikilos ang Diyos, hangga’t gumagawa ang Diyos, dumarating ito para manggulo. Ito mismo ang papel na ginagampanan nito. Ayos lang ba na pigilan mo itong gumanap? Kailangan mo itong bigyan ng sapat na puwang, sapat na entablado, sapat na oportunidad para makaganap. Kapag sapat na ang naging paggampan nito, kapag napagod na ito sa paghihirap nito, at nakagawa na ng sapat na kasamaan, tapos na ang mga araw nito. Hindi natin kailangang mag-aksaya ng mahalagang oras sa paghihimay at pagsusuri ng iba’t ibang tsismis at masasamang gawa nito para pabulaanan ang mga tsismis na ito; walang silbi at walang halaga ang paggawa niyon. Ano ang silbi ng paghihimay ng mga iyon? Makakatawan ba nito ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan? Napakaraming katotohanan ang dapat na maunawaan ng mga tao; ni hindi nila kayang makinig sa lahat ng katotohanang ito, lalong hindi nila kayang pabulaanan ang mga tsismis na ito. May gayong libreng oras ba ang mga tao? Sa totoo lang, hindi talaga Ako interesado sa mga usaping iyon, ni hindi Ako handang banggitin ang mga iyon o bigyang-pansin ang mga iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga taon na ito, hindi Ka ba nangangahas na pumunta kahit saan? Dahil ba napakaraming tsismis na naglipana kaya palagi Kang balisa at takot saan Ka man magpunta?” Sinasabi Ko na wala Akong anumang nararamdaman. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw Mo bang ipagtanggol ang sarili Mo laban sa mga bagay na hindi Mo naman ginawa?” Ano pa bang kailangan ipagtanggol? Ni hindi Ko na nga makaya ang mga wasto Kong gawain! Nakikipag-usap ako sa mga tao, sa mga nilikha, hindi sa mga diyablo. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Ka ba nagagalit kapag naririnig Mo ang mga tsismis na ito?” Sinasabi Ko na wala akong nararamdaman tungkol sa mga ito, walang ipinapadama sa Akin ang mga ito; hindi Ko binibigyang-pansin ang mga usaping ito. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Mo ba nararamdaman na naaagrabyado Ka?” Sinasabi Ko na hindi Ko nararamdaman na naaagrabyado Ako, bakit Ko naman mararamdaman na naaagrabyado Ako? Gawin ang kaya Ko, gawin ang nararapat Kong gawin, gawin nang maayos ang kaya at dapat Kong gawin, tuparin ang mga responsabilidad Ko—iyon ang pinakamainam na bagay, makabuluhan iyon. Hindi maaagaw ang atensyon Ko o hindi Ako gugugol ng oras sa mga bagay na iyon na walang kabuluhan, walang halaga. Wala Akong oras para bigyang-pansin ang mga usaping iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Paano naman kapag may libreng oras Ka, bibigyang-pansin Mo ba ang mga ito kung magkagayon?” Hindi, kahit na may libreng oras Ako. Mas gugustuhin Ko pang kausapin ang aso Ko kaysa makipag-usap sa mga diyablo. Kung malinaw sa iyo na isang diyablo ang naglilitanya nitong mga maladiyablong salita, bakit mo pa ito bibigyang-pansin? Hindi ka na dapat magbigay-pansin; ang hayaan ang diyablo na lubusang mapahiya ay ang tamang bagay na dapat gawin. Sa madaling salita, ang saloobin ng Diyos sa mga tsismis na ito ay ang sumusunod: Sa paggawa ng anuman o pagsabi ng bawat pangungusap, hindi pinapangatwiranan ng Diyos ang sarili Niya, hindi Niya pinapatunayan ang sarili Niya sa sangkatauhan, at tiyak na hindi Niya pinapangatwiranan ang sarili Niya kay Satanas, sa kaaway Niya, sinasabi na Siya ay dalisay at inosente, at walang kasalanan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa Kanyang pamamahala, para iligtas ang mga taong layon Niyang iligtas. Sinusunod Niya ang bawat hakbang ng plano ng pamamahala Niya; hindi Niya ito ginagawa para ipakita ang anumang bagay sa sinuman, ni para kumpirmahin ang pagkakakilanlan Niya. Sa pagsasalita gamit ang mga salita ng tao, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa nang likas nang walang anumang kawalan ng sinseridad o pagiging pasibo. Ang likas na pagsasakatuparan ng Diyos sa lahat ng gampaning ito ay nagkukumpirma sa Kanyang pagkakakilanlan at sa Kanyang diwa. Hindi kayang baguhin ng sangkatauhan ang plano ng Diyos, ni hindi nila kayang lagpasan ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos; isa itong katunayan. Samakatwid, binabalewala ng Diyos ang mga tsismis at maladiyablong salita na bumabatikos at naninira sa Kanya mula sa anumang panig sa loob ng sangkatauhan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t magiging masyadong madali para sa Diyos na magbigkas ng isang kabanata ng mga salita o magsulat ng pagkondena para tuligsain ang mga pambabatikos at pagtutol laban sa Diyos ng mga ateistang naghaharing partido sa mundo at ng relihiyosong komunidad? Pero hindi kikilos ang Diyos nang ganito kay Satanas. Kumikilos ang Diyos ayon sa mga prinisipyo; pagdating sa pagwasak ng Diyos sa masasamang puwersa, may sarili Siyang tiyempo. Para sa Diyos, masyadong madali ang pagkilos. Maaaring gumampan ng mga kamangha-manghang gawa ang Diyos sa mga kalangitan, at bigla na lang magbubukas ang kalangitan at may tinig na magsasabi, “Ako ang nag-iisang tunay na Diyos na inyong sinisiraan, binabatikos, at nilalapastanganan; Ako ang Makapangyarihan na kasalukuyan ninyong sinisiraan at nilalapastanganan!” Kapag narinig nila ito, agad na magugulat at maguguluhan ang sangkatauhan, nagagawa lang nilang magpatirapa sa lupa, nagtatangis at nagngangalit ng mga ngipin. Ang isang pangungusap na ito ay lulutasin ang lahat ng bagay, papatunayan ang lahat ng bagay; may sinuman bang mangangahas na insultuhin ang Diyos kung magkagayon? Hindi ba’t matatakot ang mga diyablong iyon sa relihiyosong komunidad na maglalaho na lang sila nang walang bakas? Nag-iimbento si Satanas ng mga tsismis tungkol sa Diyos, sinisiraan at binabatikos nito ang Diyos, kaya iyong mga nananampalataya sa Diyos ay nagagalit at namumuhi, hindi makakain o makatulog, gustong magsulat ng mga artikulo at gumawa ng mga programa para pabulaanan ito, habang kumikilos nang simple ang Diyos—pwedeng magsalita lang ang Diyos ng ilang pangungusap at ganap nang susuko ang buong sangkatauhan, hindi na mangangahas na batikusin at lapastanganin Siya. Paano ginawang masunurin si Pablo? (Nagpakita ang Diyos sa kanya sa daan patungong Damascus.) Nagpakita ang Diyos sa kanya. Ang totoo, wala siyang nakita; mayroon lang liwanag na sobrang kinatakutan ni Pablo na nagpatirapa siya sa lupa, at hindi na siya nangahas na usigin si Jesus. Ganoon kasimple ang pangangasiwa kay Satanas, ang totoo, masyado itong madali para sa Diyos. Kaya itong ayusin ng Diyos gamit lang ang isang salita. Ang paggawa nito ay magiging mas madali kaysa sa paggugol ng ilang dekada sa pakikipag-usap sa inyo at paggugol ng lahat ng pagsisikap na ito sa inyo, pero hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Bakit? May lihim na dapat Kong sabihin sa inyo: Ang mga tao ang inililigtas ng Diyos, ibig sabihin, iyong mga taong hinirang ng Diyos; ang iba pa, ang mga hindi hinirang ng Diyos, ay hindi itinuturing na mga tao kundi mga hayop, diyablo, hindi karapat-dapat na marinig ang tinig ng Diyos, makita ang mukha ng Diyos, at lalong hindi karapat-dapat na malaman ang anumang impormasyon tungkol sa Diyos. Kaya naman, hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Kagalang-galang ang pagkakakilanlan ng Diyos; hindi Siya maaaring makita ng sinumang gustong makakita sa Kanya, at hindi Siya magpapakita sa isang tao dahil lang ito ay tutok, sabik, at buong-pusong nakatingala sa isang partikular na lugar sa kalangitan. Sa tingin mo ba, maaari Siyang makita ng sinumang gustong makakita sa Kanya? May dignidad ang Diyos; nagpapakita ang Diyos sa iyong mga may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, nagpapakita Siya sa mga banal na lugar at nagtatago mula sa maruruming lugar. Hindi na kailangan pang pagtalakayan kung ang buong sangkatauhan ay marumi o banal. Ang sangkatauhang ito ay hindi karapat-dapat na makita ang Diyos; hindi nila kinikilala na mayroong Diyos. Kaya bakit magpapakita ang Diyos sa kanila? Hindi sila karapat-dapat! May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga bagay pero hindi Niya ginagawa ang mga ito; kinukumpirma nito ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at ang pagiging kagalang-galang ng pagkakakilanlan Niya. Sabihin mo sa Akin, kung kaya ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, ilang beses sa isang araw nito gagawin ang mga iyon, gaano ito magpapakitang gilas? Kapag ang mga taong natiwali ni Satanas ay may hawak na maliit na posisyon at may kaunting kapangyarihan, sino ang nakakaalam kung gaano nila ipapangalandakan ang kapangyarihang ito—lalo na si Satanas, na aabusuhin at ipangangalandakan ang kaunting kapangyarihan na taglay nito sa mga kahindik-hindik na paraan. Hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan; huwag sukatin ang Diyos gamit ang lohika ni Satanas, isa iyong magiging malaking pagkakamali. Tungkol naman sa kung ano ang kayang gawin ng Diyos, depende na sa Diyos kung gusto Niya itong gawin; kung gusto ng Diyos; maaari itong gawin sa loob ng ilang sandali, at kung ayaw Niya, walang makakapilit sa Kanya. Ganito lang ang saloobin ng Diyos sa mga tsismis—hindi Niya pinapansin ang mga ito. Ginagawa pa rin ng Diyos ang nararapat Niyang gawin, ang layon Niyang gawin; walang tao, walang puwersa ang makakasira o makapagbabago sa plano Niya. Walang nababago ang mga tsismis na ito na bumabatikos, naninira, at nangmamaliit sa Diyos. Kung tutuusin, ang mga tsismis ay tsismis lang at hindi kailanman magiging mga katunayan. Kahit na naaayon ang mga ito sa pilosopiya, agham, moralidad, teorya ng tao at iba pa, kahit na tumindig ang buong sangkatauhan para batikusin ang Diyos, ang katotohanan ay hindi titindig sa panig ng sangkatauhan, ni hindi tataglayin ng sangkatauhan ang katotohanan. Ang Diyos ay Diyos magpakalainman; hindi kailanman nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Kaya, gaano man manggulo si Satanas, umuusad pa rin ang gawain ng Diyos sa maayos na paraan, dahil gawain ito ng Diyos. Kung gawain ito ng tao, nawasak at tumigil na sana ito sa pag-iral dahil sa mga gayong panggugulo ng rehimen ni Satanas at dahil sa iba’t ibang pambabatikos at paninira ng mga puwersang panlipunan. Saka lang mas sumasagana ang iglesia kapag nagsasalita at gumagawa ang Diyos, kapag gumagawa ang Banal na Espiritu. Hindi ba’t isa itong katunayan? Nakita na ba ninyo ang katunayang ito? (Oo, nakita na namin.) Ano ang nakita ninyo? (Ang ebanghelyo ng kaharian ay lumaganap na sa dose-dosenang mga bansa, at ang mga tsismis na iyon na inimbento at ipinakalat ni Satanas ay hindi talaga nakapigil sa mga nagmamahal sa katotohanan na bumaling sa Diyos.) Gawa ito ng Diyos; kayang makamit ng gawain ng Diyos ang ganitong epekto, kayang makamit ng mga salita ng Diyos ang ganitong epekto—lampas ito sa mga inaasahan ni Satanas. May gayon kalaking kapangyarihan ang mga salita ng Diyos; ang ebanghelyo ay lumalaganap sa isang mabuting direksiyon at umuusad nang maayos ang lahat ng bagay ayon sa plano ng Diyos, nang walang anumang pagkakaiba. Lumalaganap sa hinirang na mga tao ng Diyos ang gawain ng Diyos at ang mga salita ng Diyos, gaya nang matagal nang itinakda. Parami nang parami kada buwan ang bilang ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo at ang bilang ng mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Hindi ba’t ipinapakita nito kung paano lumaganap ang gawain ng ebanghelyo? Kung hindi ito gawain ng Diyos, kahit gaano karaming tao ang nagbayad ng kahit gaano kalaking halaga, hindi nila makakamit ang epektong ito. Ito ang kapangyarihan ng Diyos, ang epektong nakakamit ng kapangyarihan ng mga salita ng Diyos.

Bumalik tayo sa pagtatalakayan sa kung paano tinatrato ng mga tao ang iba’t ibang tsismis. Hindi kaya ng mga tao na makamit ang saloobing pareho sa Diyos patungkol sa iba’t ibang tsismis. Hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at kapag nakakarinig sila ng mga tsismis, palagi nilang nararamdaman: “Kung wala akong gagawin, mabibigo ko ang konsensiya ko. Kung mamamayani ang mga taong nag-iimbento ng mga tsismis, hindi ako mapapalagay, hindi masisiyahan, at sasama ang loob ko, makakaramdam ako ng kawalan ng balanse, kaya dapat kong pabulaanan ang mga ito. Dapat akong gumawa ng video, o magsulat ng artikulong naglilinaw sa mga tsismis.” Mahalagang pagnilayan kung ang paggawa ng mga bagay nang may gayong mentalidad ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, kung tumutugon ba ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang layon at motibasyon ninyo sa paggawa ng gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ninyo ay para lang maglinaw ng mga tsismis at malinaw na ipaliwanag na sa tunay na Diyos kayo nananampalataya, na nasa tamang landas kayo sa buhay, at na makatarungan ang lahat ng ginawa ninyo para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos—at na dahil lang hindi nakakaalam o nakakaunawa ang mundo sa mga katunayang ito kaya inakusahan nila kayo ng maraming krimen na walang batayan—at kaya umaasa kayo na kapag nalinaw na ang lahat ng bagay, kikilalanin kayo ng mundo bilang inosente, na magkakaisang kikilalanin ng lahat ng partido sa mundo na “sa tunay na Diyos kayo nananampalataya, nasa tamang landas kayo sa buhay, at na tama at makatarungan ang lahat ng ipinagawa sa inyo ng Diyos,” pagkatapos ay ano na? Mararamdaman ba ninyo na panatag na kayo at na may katwiran kayo sa pananampalataya ninyo? Matatahak na ba ninyo ang tamang landas sa pananampalataya sa Diyos? Matatahak na ba ninyo ang landas ng kaligtasan nang walang anumang pakikialam mula sa labas? Magkakaroon ba kayo ng may-takot-sa-Diyos na puso? Makapagkakamit ba kayo ng pagpapasakop sa Diyos? Makatatanggap ba kayo ng pagsang-ayon ng Diyos? (Hindi.) Posibleng bang hindi magkamali ng pagkaunawa sa inyo ang mga tao at purihin at galangin lang nila kayo, pagkatapos niyon ay makakapanampalataya na kayo sa Diyos nang may malinis na konsensiya? Hinding-hindi! Siyempre, hindi makapagkakamit ng saloobin sa mga tsismis ang mga tao na pareho sa Diyos, pero ang isang tao ay dapat na may tamang perspektiba, may tumpak na saloobin at tindig, sinasabi: “Ang mga tsismis na ito ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam nga. Mula sa mga tsismis na ito, makikita na ang tiwaling sangkatauhang ito ay kaaway nga ng Diyos; ganap na tama ito! Hindi ko dapat husgahan kung ang gawain ng Diyos ay totoo o huwad batay sa mga tsismis ni Satanas. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pamamagitan ng mga karanasan sa paggawa ng tungkulin ko, kinukumpirma ko na lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at lahat ng ginagawa Niya ay nagtutulot sa mga tao na maligtas. Dahil humarap ako sa Diyos ngayon para tanggapin ang pagliligtas Niya, dapat kong gawin ang tungkulin ko, at tuparin ang mga obligasyon at responsabilidad ko para ipalaganap ang mga salita ng Diyos, iproklama ang pangalan Niya, at magpatotoo sa gawain ng Diyos at mga layunin Niya, para ang mga pinipili ng Diyos ay maaaring bumalik sa sambahayan ng Diyos, marinig ang tinig Niya, at matanggap ang panustos ng mga salita at buhay mula sa Kanya nang mabilis at sa lalong madaling panahon. Ito ang obligasyon ko, ang responsabilidad ko. Nakikipagtulungan ako sa gawain ng Diyos, pero hindi para pangatwiranan na ang landas na sinusundan ko ay ang tamang landas o na ang pakay ko ay makatarungan—hindi para sa mga bagay na ito. Hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para maghiganti laban sa mga pambabatikos at paninira ni Satanas laban sa Diyos. Sa halip, tinutupad ko ang sarili kong mga obligasyon at responsabilidad, at siyempre, ang sarili kong katapatan, para suklian ang pagmamahal ng Diyos, tanggapin ang atas ng Diyos, at makipagtulungan sa gawain ng Diyos.” Ito ba ang tamang perspektiba? Ito ba ang perspektiba na dapat mayroon ang mga tao? (Oo.) Mula sa anggulong ito, kapag lumilikha ng iba’t ibang programa, ito man ay pag-awit ng mga himno, pagsayaw, paggawa ng mga pelikula, o pagbubuo ng mga dula tungkol sa mga patotoong batay sa karanasan, hindi ba’t dapat na sumailalim sa ilang pagbabago ang tindig ng mga tao, ang anggulo kung saan sila tumitindig, at ang ilang partikular na pahayag nila? (Oo.) Gayumpaman, karamihan ng tao, habang ginagampanan ang lahat ng gampaning ito, ay ginawa ito nang pabigla-bigla at may pagkamuhi, at may halong mga emosyon ng tao. Samakatwid, masyado silang maraming inilantad tungkol sa mga kilos at pag-uugali ng mga walang pananampalataya, ng naghaharing partido, at ng relihiyosong komunidad, at naging masyadong malupit ang mga salita nila, nag-iiwan ng medyo negatibong epekto sa iba pagkatapos nilang tingnan ang mga gayong programa. Simple ang dahilan: Ginagawa ng mga tao ang lahat ng aktibidad na ito nang may partikular na emosyon, mula sa medyo hindi tamang anggulo. At nararamdaman pa rin ng mga tao na medyo makatarungan ito, sinasabi nila: “Binabatikos, minamaliit nila tayo at nag-iimbento sila ng mga tsismis tungkol sa atin; ano ang mali sa paglalantad sa kanila? Ito ay lehitimong pagtatanggol sa sarili! Ang lehitimong pagtatanggol sa sarili ay hindi ilegal, ni hindi tayo nag-iimbento ng mga bagay-bagay; hinihimay nating lahat ang mga bagay batay sa mga katunayan. Nag-iimbento sila ng mga tsismis tungkol sa atin nang walang batayan; mali ba na ilantad at himayin natin sila? Hindi ba tayo pwedeng gumanti?” Ano ang silbi ng paghihiganti? Ang mga diyablo ay puno ng mga kasinungalingan at hindi kailanman nagsasabi ng ni isang makatotohanang pahayag; palaging hinihimay ang mga kasinungalinn para mapagtanto nila na ang sinasabii nila ay mga kasinungalingan at para pagkatapos nilang umamin sa pagsisinungaling ay hindi na sila magsinungaling muli—may anumang halaga ba roon? Kaya ba nila itong makamit? (Hindi.) Hindi ba’t hangal at mangmang ang pamamaraang iyon? Matagal Ko nang sinabi na ang pangunahin nating gampanin ay ang magpatotoo sa gawain ng Diyos, sa mga epektong nakakamit ng gawain Niya, sa Kanyang mga salita, at sa epekto ng mga salita Niya sa mga tao, at tungkol naman sa panunupil at pag-usig ng naghaharing partido, at sa paglaban at pagkondena ng relihiyosong komunidad, sapat nang banggitin lang nang saglit ang ilang pinagmulang nasasangkot. Pero hindi makaunawa ang mga tao paano man nila ito marinig. Palagi nilang tinatrato ang mga isyung ito nang pabigla-bigla at palagi nilang gustong makipagtalo. At ano ang resulta? Wala man lang itong nagiging epekto, dahil hindi na mapapangatwiranan ang masasamang puwersa ni Satanas. Hindi ba’t ito ang kahangalan at kamangmangan ng mga tao?

Ang ilang tao ay ipinapangaral ang ebanghelyo, natututo ng ilang teknikal na propesyon, o gumagawa ng partikular na uri ng tungkulin, nang may natatanging motibasyon na linawin ang mga tsismis at ipaliwanag sa mga tao kung ano ang totoo, nagdedeklara ng digmaan sa madilim na mundo at sa masasamang taong lumalaban sa Diyos. Makatarungan ba ito? Tama ka man o mali sa paggawa nito, kailangan mong maunawaan: Maliligtas ba ng Diyos iyong mga buktot na taong mapanlaban sa Kanya? May anumang halaga ba ang paggawa mo rito? Kung hindi mo nauunawaan kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos at palagi kang nagpapahayag ng ilang pananaw na tila tama pero sa aktuwal ay mali, hindi ba’t hinahadlangan nito ang sarili mong kaligtasan. Ang ilang tao ay gumagawa ng tungkulin nila para lang labanan ang masasamang puwersa na lumalaban sa Diyos at para kontrahin ang mga makamundong kalakaran. “Sinasabi nila na pinapabayaan natin ang mga pamilya natin at na hindi tayo namumuhay ng normal na buhay, kaya gusto kong patunayan ang sarili ko sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa mga tungkulin ko. Sa hinaharap, kapag pumunta ako sa langit at nakapasok ako sa kaharian at sila ay hinusgahan, makikita nila na tama ako!” Ano ang silbi ng pagpapatunay sa sarili mo sa ganoong paraan? Kahit na napatunayan mo na ang sarili mo, ano ang silbi nito? Ano ang kinakatawan nito? Ano ang halaga niyon? Kung tunay na matutulutan ka nito na makapasok sa kaharian at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, magiging sulit ito, at magiging tama ang landas mo. Pero sa kasawiang palad, hindi kayang makamit ang landas na ito. Hindi ito ang landas na pauna nang itinakda ng Diyos para sa mga tao, at hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na kumilos sila sa ganitong paraan. Ang mga tao ay palaging hangal, iniisip na dahil pumapanig sila sa katotohanan at taglay nila ang katotohanan, dapat nilang akuin ang mga makatarungang pakay, magdeklara ng digmaan laban sa masamang mundong ito at sa lahat ng nag-iimbento ng mga tsismis: “Nananampalataya kami sa Diyos at sumusunod sa Diyos, ginagawa namin ang tungkulin namin—ipapakita namin sa inyo kung sino ang nasa tamang landas!” Hindi ba’t ito ay pagiging pabigla-bigla? May anumang silbi ba ang pakikipagtalo tungkol sa mga bagay na ito? Wala itong halaga talaga. Kung talagang may oras at lakas ka, mas mainam na mag-aral pa tungkol sa isang propesyon, na mag-aral ng higit pang kaalaman at pangkaraniwang kaalaman na nauugnay sa isang propesyon. Kapaki-pakinabang at sumusuporta ito sa paggampan mo ng tungkulin. Bakit ka palaging nakikipaglaban sa masasamang puwersa ng mundo? Bakit palagi kang nakikipaglaban sa mga tsismis? Hindi ba’t paggugol ito ng pagsisikap kung saan hindi naman ito kinakailangan? Paano ka man binabatikos ng iba, hindi na sila kailangang pansinin. Sila ay may maladiyablong kalikasan, mga hayop, sadyang ganoong uri sila; hindi sila inililigtas ng Diyos, hindi sila binabago ng Diyos, at hindi sila kinakausap ng Diyos. Hindi sila pinapansin ng Diyos, kaya kailangan mo ba silang pansinin? Kung matigas na nagpupumilit ang mga tao na gawin ang hindi ginagawa ng Diyos, hindi ba’t medyo hangal ito at walang karunungan? Sa pinakamababa, isa kang taong walang pusong nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo minamahal ang minamahal ng Diyos, o kinamumuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Hindi mo nakikita kung ano ang saloobin ng Diyos sa mga bagay na ito—hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito; ni hindi mo napagtatanto kung bakit ganoon. Sa bawat yugto ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos, nagsabi ang Diyos ng napakaraming salita. Maraming pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, at mula sa mga pag-uusap na ito, makikita ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, ang disposisyon, at diwa ng Diyos. Gayumpaman, hindi kailanman tinatalakay ng Diyos kung paano Siya nakikipag-usap kay Satanas sa mga partikular na usapin, at kaya nailalantad si Satanas, tinutulutan ang sangkatauhan na malinaw na makita ang tunay na mukha ni Satanas, at malinaw na makita kung paano tinatrato ni Satanas ang Diyos. Napakaraming gayong usapin, pero hindi binabanggit ng Diyos ang mga ito. Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang mga ito? Dahil walang pakinabang sa iyo ang pagtalakay sa mga bagay na iyon. Ang pinakakapaki-pakinabang sa iyo ay ang mga salita ng buhay ng Diyos; ang mga salitang ito na magbibigay sa iyo ng kakayahan na lumapit sa Diyos at maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at may takot sa Diyos at umiiwas sa Diyos ang pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Sinasabi sa iyo ng Diyos kung paano mamuhay at kung paano magsalita, pati na rin kung paano kilatisin ang mga tao at usapin at matutong isagawa ang katotohanan at maging marunong sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon—kapaki-pakinabang sa iyo ang lahat ng ito. Sinasabi at ginagawa ng Diyos ang anumang kapaki-pakinabang sa iyo. Hindi nagsasabi ang Diyos ng ni isang salita na hindi kapaki-pakinabang sa iyo. Hindi ba’t magiging napakadali para sa Diyos na sabihin ang mga salitang iyon? Kaya bakit hindi Niya sinasabi ang mga iyon? Dahil hindi kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang iyon. Ang mga tsismis na ito ay katumbas ng mga salita ng mga diyablo at ni Satanas, at hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito, kaya hindi mo rin dapat labanan ang mga iyon. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag nauunawaan mo na, malalaman mo na kung paano magsagawa, hindi ba? Huwag pagsumikapan ang paghihimay sa mga tsismis, pagpapabulaanan sa mga tsimis, paghahanap sa mga pinagmulan ng mga tsismis, at iba pa. Kung talagang may puso ka na magpatotoo sa Diyos at gusto mong manindigan sa patotoo mo at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, napakaraming salita ang pwede mong sabihin at napakaraming bagay ang pwede mong gawin. Ang mga salita at katotohanang itinutustos ng Diyos sa mga tao ay hininihingi na pagnilayan, danasin, at lahukan mo ang mga ito, nang sa gayon ay maging sarili mong mga prinsipyo at mga landas sa pagsasagawa ang mga ito, na sa huli ay magiging sarili mong buhay. Kinakailangan mong paglaanan ng oras at lakas ang pagpapatupad dito. Kung hangal at tunggak ka, palaging pinagsusumikapan ang mga tsismis, palaging gustong linisin ang pangalan mo at linawin ang sarili mo sa mundo, kung gayon ay problema iyon; hindi mo makakamit ang katotohanan, at ganap kang matatali at mapapagod sa mga makamundong tsismis na ito. Sa huli, hindi mo maipapaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay. Bakit hindi mo maipapaliwanag ang mga ito nang malinaw? Dahil humaharap ka sa diyablo, at nagsasabi ito ng mga tahasang kasinungalingan. Ano ang sinasabi ng diyablo ngayon? Sinasabi ng malaking pulang dragon, “Ang Tsina ang tagapagtanggol ng kaayusan ng mundo, ang tagapagtanggol ng kapayapaan ng mundo, at nakapahalaga ng papel nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mundo.” Alin sa mga salitang sinasabi nito ang katunayan? Katunayan ba ang mga salitang ito? Kapag naririnig mo ang mga salitang ito, hindi ka ba nagagalit? Pagkatapos marinig ito, iniisip mong napakawalang kahihiyan ni Satanas para makapagsabi ng mga gayong bagay. Bakit ka makikipagtalo rito? Hindi ba’t nagiging hangal ka? Sadyang ganitong uri ng bagay ito—ginagamit lang ito ng Diyos para magserbisyo ito, hinding-hindi Niya layon na iligtas o baguhin ito. Hindi ba’t kahalangan na makipagtalo rito? Huwag gumawa ng mga gayon kahangal na bagay. Hindi nakikinig sa mga tsismis na ito ang marurunong na tao, ni hindi sila napipigilan ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Naguguluhan ako pagkatapos na marinig ang mga tsismis!” Kung gayon ay dapat kang magdasal sa puso mo, gamitin ang katotohanan para kumilatis, at pagkatapos ay isumpa ang mga diyablong iyon at si Satanas, at hindi na magkakaroon ng anumang epekto ang mga tsismis na ito sa puso mo. May isa pang paraan: Dapat mong makilatis ang diwa. Sinasabi mo, “Kahit hindi tumutugma sa mga kuru-kuro ko ang mga kilos ng Diyos at kinokondena at itinatakwil ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, nakikita ko na Siya ang katotohanan, at na walang katotohanan ang mga diyablo at si Satanas. Determinado akong manampalataya sa Diyos! Ang Diyos lang ang makapagliligtas sa akin. May diwa Siya ng Diyos, Siya ang Diyos, at hindi kailanman nagbabago ang diwa Niya. Gaano man tutulan ng mga diyablo at ni Satanas ang Diyos, wala silang katotohanan, at hindi ako naniniwala sa mga salita ng diyablo at ni Satanas!” May ganito ka bang pananalig? (Mayroon.) Kung may ganito kang pananalig, hindi ka dapat mabahala sa anumang tao, pangyayari o bagay, at lalong hindi ka dapat malihis o maatake ni Satanas. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Huwag itong pansinin; tumuon lang sa paghahangad sa katotohanan at paninindigan sa patotoo mo, at mapapahiya si Satanas.

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang isyung may kaugnayan sa pagpapakalat ng mga tsismis sa loob ng iglesia. Karamihan ng tao ay nakarinig ng ilang tsismis mula sa Komunistang gobyerno ng Tsina at sa relihiyosong komunidad; nagbahaginan din tayo kanina kung paano tratuhin at pangasiwaan ang mga tsismis na ito. Kapag naunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, hindi na sila malilihis o magugulo ng mga tsismis. Kapag lumitaw ang isang tao sa iglesia na nagpapakalat ng mga tsismis, anuman ang paraan o tono ng kanyang pagpapakalat ng anumang mga uri ng tsismis, paano natin dapat harapin ito? Dapat ba nating hayaang mangyari ito nang hindi nakikialam, o dapat ba nating ilantad, himayin, at pangasiwaan ang taong iyon? Aling pamamaraan ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? May ilang nagsasabi, “Hindi ba’t may kalayaan sa pananalita? Bakit hindi hayaan ang taong iyon na magsalita? Hayaan siyang magsalita. Matapos makinig sa mga tsismis, kapag nakikilatis na sila ng lahat sa kung ano sila, hindi na nila paniniwalaan ang mga maladiyablong salitang ito, at natural na mawawasak ang mga tsismis.” Sinasabi ng iba, “Hindi katanggap-tanggap para sa kanila na magpakalat ng mga tsismis at siraan ang Diyos. Hindi natin sila pwedeng hayaang gumawa ng mga bagay na naninira sa Diyos. Dapat natin silang turuan ng leksiyon para gisingin sila. Nagtiis ang Diyos ng napakaraming pagdurusa para magsalita at gumawa upang iligtas tayo, pero nagpapakalat sila ng mga tsismis. Wala silang konsensiya! Maiibsan lang ang pagkamuhi natin sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila; kung hindi natin sila pangangasiwaan, bibiguin natin ang Diyos.” Aling paraan ang mabuti? Pawang hindi epektibo ang mga pamamaraang ito? Gaya ng napagbahaginan natin kanina, tiyak na walang silbi iyong mga nagpapakalat ng mga tsismis, at kailangang makilatis ang mga gayong indibidwal. Kung paminsan-minsan silang nagpapakalat ng mga tsismis, dapat silang bigyang-babala. Kung palagi silang nagpapakalat ng mga tsismis, dapat silang ilantad, himayin, at pagkatapos ay paalisin sa iglesia, para hindi na nila malihis o mapinsala ang mga tao. Madali bang pangasiwaan ang usaping ito? Papangasiwaan ba ninyo ito sa ganitong paraan, o hihintayin ba ninyong magbigay ng mga utos ang mga lider ng iglesia? Kapag natuklasan na may isang taong palaging nagpapakalat ng mga tsismis, at na tuwing nagpupunta siya sa isang pagtitipon ay palagi niyang tinatalakay ang mga bagay na ito, hindi kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nagdarasal, hindi nag-aaral ng mga himno, at higit pa rito, hindi niya ibinabahagi ang kanyang mga pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos, at sa tuwing may sinumang nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at nagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan, nakakaramdam siya ng pagkasuklam at pagtutol dito, pero hindi siya nakakaramdam ng gayong pagkasuklam sa ma tsismis ng mga walang pananampalataya, at labis siyang nasasabik sa mga ito—kapag natuklasan na ang lahat ng ito, bakit pa magiging magalang sa gayong tao? Malinaw na alagad siya ni Satanas na pinasok ang iglesia para guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagsunod sa Diyos. Tinutulutan mo ba ang panggugulo nila? (Hindi.) Kung hindi mo ito tinutulutan, tumindig ka at sabihin mo, “Si Ganito-at-ganyan ay pumupunta sa iglesia at palaging nagpapakalat ng mga tsismis, hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ibinabahagi ang kanyang pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos. Siya ay hindi mananampalataya at dapat na paalisin sa iglesia. May anumang pagtutol ba ang sinuman?” Kung sinasabi ng lahat na wala silang mga pagtutol at nagtataas sila ng kamay bilang pagsang-ayon, dapat na paalisin ang taong iyon. Hindi ba’t kasiya-siya na pangasiwaan ang tsismoso sa ganitong paraan? (Oo.) Ganito dapat pangasiwaan ang mga gayong tao.

D. Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng mga Tsismis na Walang Batayan na Nagbibigay ng Maling Interpretasyon sa mga Salita ng Diyos at Humuhusga sa Gawain ng Diyos

Saan nagmumula ang uri ng mga tsismis na tinalakay natin kanina? Nagmumula ang mga ito sa malaking pulang dragon, mula sa relihiyosong komunidad, at mula sa mga walang pananampalataya. Bukod sa mga tsismis mula sa mundo sa labas, may ilan ding kasabihan at tsismis tungkol sa loob ng iglesia. May mga ganap na di-totoong pahayag pa nga tungkol sa Diyos, sa gawain ng Diyos, sa araw ng Diyos, at sa ilan sa mga salita ng Diyos, pati na rin sa ilang misteryo tungkol sa Diyos at sa gawain Niya, na nililikha ng mga tao batay sa mga imahinasyon at kuru-kuro nila, o batay sa patuloy na pagsasaad ng maling impormasyon at walang batayang haka-haka. At dahil iniimbento ng mga tao ang mga gayong kasabihan, tsismis, at pahayag, nabubuo ang mga tsismis na ito. Kapag nabuo ang mga tsismis, ang ilang taong mahilig sa mga tsismis ay nagiging masigla tungkol sa pagpapakalat ng mga ito, itinuturing na totoo ang mga tsismis at ipinapakalat ang mga ito kung saan-saan, napakalinaw at napakadetalyado ang paglalarawan nila sa mga ito kaya ang mga taong walang kamalayan sa tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay, at hindi nakakaunawa sa katotohanan at hangal at mangmang, ay tunay na nalilihis ng mga tsismis na ito. Kapag nalihis na sila, naaapektuhan at nagugulo ba sila? (Oo.) Mga karaniwang isyu rin ang mga ito na lumilitaw sa iglesia. Bagama’t ang mga tsismis na ito ay hindi malubha kumpara sa iyong mga naninira at bumabatikos sa Diyos at sa sambahayan ng Diyos—hindi sinisiraan ni nilalapastanganan ng mga ito ang Diyos—at bagama’t hindi nagdudulot ang mga ito ng anumang panggugulo o pinsala sa gawain ng Diyos, nakakaapekto pa rin ang mga ito sa buhay pagpasok ng ilang tao at dapat na pigilan ang mga ito. Halimbawa, kapag nakakarinig ang ilang tao ng ilang mapanlinlang na komento, pinaniniwalaan nila ang mga ito sa puso nila at mabilis nilang ipinapakalat ang mga ito sa iyong mga nasa paligid nila na malapit sa kanila. Habang kumakalat ang mga tsismis, nagiging mas marami at kumpleto ang mga detalye, at sa huli, nagmumukhang mga tunay na pangyayari ang mga tsismis. Nagkakaroon ng mga elemento gaya ng oras, lugar at mga karakter—ang mga gayong tsismis ay pasok sa mga kondisyon na mapakalat sa publiko, hindi ba? Anong impormasyon ang ipinapakalat? Sinasabi ng tsismoso, “May mahalaga akong dapat na sabihin sa iyo ngayon. Hindi mapapalagay ang kalooban ko kung hindi ko ito sasabihin; ni hindi ako makakatutok sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sabik na sabik ako tungkol sa usaping ito. Sa wakas, tayong mga sumasampalataya sa Diyos ay may pag-asa na ngayon!” Kapag narinig ng lahat na may pag-asa, nagiging interesado at masigla sila, labis na kaakit-akit ang paksang ito. Sinasabi nila. “Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Lumitaw na ang ilang tanda na dati nang ipinropesiya ng Diyos tungkol sa katapusan ng gawain Niya. Halimbawa, ang kalagayan ng buwan at araw, ang sitwasyon sa Silangan at Kanluran, ang bilang ng hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat bansa, kung ilang tao ang nakagagawa ng mga tungkulin nila, at iba pa—nasa harap na natin ngayon ang mga palatandaang ito ng pagtatapos ng gawain ng Diyos. Kailangan nating mabilis na maghanda!” Tinatanong ng isang tao, “Ano ang dapat nating ihanda?” Sinasabi ng tsismoso, “Dapat tayong maghanda ng mabubuting gawa at maghanda ng pagkain, at mabilis na ibigay ang mga ipon natin bilang handog sa Diyos, pagkatapos ay matitiyak natin ang isang mabuting hantungan.” Sinasabi rin nila, “Sa ganito-at-ganyang taon at buwan, sa ganito-at-ganyang petsa, at sa ganito-at-ganyang oras, kailangan nating magtipon-tipon sa isang partikular na lugar kung saan maghihintay sa atin ang Diyos para kuhain tayo. Sinabi ng Diyos, ‘Kung hindi mo tatalikdan ang lahat, hindi ka karapat-dapat na maging disipulo Ko, at hindi karapat-dapat na maging tagasunod Ko.’ Ngayong dumating na sa wakas ang araw ng Diyos, at natupad na ang mga salita ng Diyos. Dapat nating bitiwan ang lahat ng makamundong bagay, hindi lang ang mga hinaharap at propesyon natin kundi pati ang ating mga pamilya, kamag-anak, at relasyon sa laman. Dapat nating talikdan ang lahat ng makamundong pagkakatali; tatagpuin natin ang Diyos!” Tinatanong ng karamihan ng tao, “Totoo ba ito?” Sinasabi ng tsismoso, “Oo, ibinenta ko ang bahay at kotse ko, at nag-withdraw na ako ng ipon ko. Kung hindi ka naniniwala sa akin, tingnan mo ang mga salita ng Diyos. Sa isang kabanata, ang pagsusuri sa isang partikular na pangugusap ay nagbubunyag ng isang lokasyon, at sa isa pang kabanata, ang pagsusuri sa isang partikular na sipi ay nagbubunyag sa taon at buwan….” Kapag narinig ito ng mga tao, may sinuman bang hindi napupukaw? May sinuman bang nakakakilatis sa mga salitang ito? Hindi ba’t mga bagay ito na labis na inaalala ng mga tao? Hindi ba’t mga bagay ito na matagal nang inaasam ng mga tao? Ang ilang tao, matapos na marinig ito at tumingin pagkatapos sa mga salita ng Diyos at iniisip na may tumutugma nga ito, ay nagsisimulang mag-isip ng alternatibong plano. Bagama’t nag-aalinlangan ang ilang tao sa loob-loob nila, umaasa pa rin sila na totoo ito, iniisip nila, “Bagama’t matagal pa ang tinukoy na taon at araw, kahit papaano ay may eksaktong petsa at oras, kaya may pag-asa tayo.” Bagama’t hindi talaga sila naniniwala rito, binibigyang-atensiyon pa rin nila ito. Ano ang ipinapahiwatig ng atensiyong ito? Ipinapakita nito na madaling naiimpluwensiyahan at nababahala ang mga tao sa mga bagay na ito. Kapag kumalat na nang husto sa iglesia ang ganitong klase ng tsismis, labis na masasabik ang 80 hanggang 90 porsiyentong tao, at nagiging lubhang emosyonal sila, iniisip nila, “Sa wakas, parating na ang araw na inaasam natin! Narinig ng Diyos ang mga dasal natin! Mahal tayo ng Diyos at hindi Niya tayo inabandona!” Ano ang magiging mga kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga gayong paksa sa mga pagtitipon? Makakaapekto ba ito sa emosyon ng lahat? Hindi ito maitatakwil ng mga tao, kahit na gustuhin nila; pupukol sa puso nila ang bawat pangungusap ng naturang tsismis, kaya magiging imposible na hindi sila maniwala. Pinakamalamang na paniwalaan ng mga tao ang mga salitang ito; kahit na hindi sila isandaang porsiyentong sigurado, hinihiling pa rin nila na sana ay totoo ito, iniisip nila, “Sa pagninilay-nilay sa kung gaano karaming paghihirap ang tiniis natin sa pagsunod sa Diyos—ang matakwil ng mundo, tugisin ng gobyerno, usigin ng relihiyosong komunidad, halos hindi na makahinga, pamumuhay sa palagiang pagkatakot—kailan matatapos ang mga araw na ito? Ngayon, dumating na sa wakas ang araw ng Diyos!” Nabubuhayan ang puso mo kapag naiisip mo ang mga ito: “Labis nating ginugol ang sarili natin para sa Diyos, napakatibay ng pananalig natin sa pagsunod sa Diyos; tiyak na totoo ang naririnig natin. Hindi na tayo dapat magpalisaw-lisaw at magdusa sa mundong ito—nararapat sa atin na hindi na gawin iyon!” Kapag may ganito kang kaisipan, at labis kang kumbinsido at napakarubdob ng damdamin mo tungkol sa tsismis na ito, gusto mo pa rin bang basahin ang mga salita ng Diyos? Sa puntong ito, hindi ba’t tila paimbabaw ang pagbabasa ng anumang sipi ng mga salita ng Diyos? Nadarama mo: “Bakit tila hindi na kinakailangan ngayon ang pababahagi ng pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos? Hindi na kailangan pang magdasal sa Diyos, hindi ba? Dumating na ang araw ng Diyos, at malapit na nating makatagpo ang Diyos nang harap-harapan, kaya hindi ba’t ang pagdarasal ngayon sa Diyos ay mangangahulugan na hindi natin nirerespeto ang Diyos? Kapag namumuhay sa laman, nang malayo sa Diyos, kinailangan nating magbasa ng mga salita ng Diyos para maibsan ang pag-aasam natin. Ngayon, malapit na nating lisanin ang mundong ito at malapit na nating makatagpo ang Diyos sa personal, kaya hindi na kailangang basahin ang mga salita ng Diyos. Wala na tayong magagawa ngayon na kasingmakabuluhan ng pagtagpo sa Diyos sa partikular na taon, buwan, araw, at oras na iyon. Kay ganda ng magiging pangyayaring iyon! Kumpara sa pakikitagpo sa Diyos sa araw na iyon sa lugar na iyon, tila napakawalang kabuluhan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos.” Hindi ka na makatutok sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Hindi na mapakali ang puso mo, inaasam na dumating na agad ang araw na iyon! Hindi ba’t mahirap ipahayag ang lagay ng damdamin na ito? Ang mga gayong tsismis ay labis na kaakit-kaakit sa mga popular na panlasa at napakadaling lalaganap sa loob ng iglesia. Ikakalat ito ng isang tao sa dalawang tao, sasabihin ito ng dalawang tao sa sampung tao, at lalo pang kakalat nang kakalat ang mga tsismis, mula sa isang iglesia patungo sa dalawang iglesia, mula sa dalawang iglesia patungo sa lima, palawak nang palawak ang pagkalat ng mga ito. Ano ang mga kahihinatnan? Nagdudulot ang mga tsismis na ito na ang mga tao ay pagdudahan ang Diyos, lumayo sa Diyos, limutin ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, limutin ang tungkuling dapat nilang gawin, at limutin ang daan na dapat nilang sundan. Sa halip, nakatuon sila sa paghahangad na makita ang pagdating ng araw ng Diyos at makita kung makakatanggap sila ng mga pagpapala. Kapag aktuwal na dumating ang araw na iyon at walang nangyari, saka lang mapagtatanto ng mga tao na nagdulot ng pinsala sa buhay nila ang paninniwala sa mga tsismis. Kapag nagkagayon, makababalik ka pa ba sa dating ikaw, umaasal nang maayos, pinanghahawakan ang tungkulin mo, pratikal na hinahangad ang katotohanan, hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, at umaasal at ginagawa ang tungkulin mo nang ayon sa mga salita ng Diyos? Kapag nagkagayon, lumipas na ang oras at hindi na maibabalik. Sino ang dapat sisihin para dito? Sisihin mo ang sarili mo dahil hindi ka kailanman naging isang taong naghahangad sa katotohanan. Lutang ang utak mo, at bilang resulta, napaniwala ka sa mga tsismis.

Para sa iyong mga nananampalataya sa Diyos pero hindi nakakaunawa sa katotohanan, pwede silang madala ng isang tsismis sa isang malaking panganib at masira sila. Ano ang ibig sabihin ng malaking panganib? Sa simula, may normal kang pananampalataya sa Diyos at may pag-asa kang maligtas, pero naligaw ka ng iisang tsismis. Nang hindi mo napagtatanto, nalihis ka ni Satanas, naniwala ka sa mga maladiyablong salitang sinabi ni Satanas at sinundan mo ito. Lumakad at naghangad ka ayon sa landas na inilatag ni Satanas para sa iyo, at habang mas lumalayo ka, mas nagdidilim ang puso mo, at mas napapalayo ka sa Diyos. Kapag ganap mo nang iniwanan at itinakwil ang Diyos, hindi ka lang nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Diyos sa puso mo, kundi ang mas malubha pa, nagkakaroon ka ng mga reklamo tungkol sa Diyos at pagtatatwa sa Diyos. Kapag narating mo ang puntong ito, hindi ba’t dulo na ito ng landas para sa iyo? Hindi ba’t ito ang malaking panganib? Ito ba ay isang bagay na gusto mong makita? Kapag narating mo ang puntong ito, kaya mo pa rin bang magkamit ng kaligtasan? Hindi, at napakahirap nang bumalik. Bakit? Dahil tumigil na sa paggawa ang Diyos, tumigil na sa paggawa ang Banal na Espiritu, at napupuno ka ng kadiliman. Isang mataas na pader ang itinayo sa pagitan mo at ng Diyos. Ano ang pader na ito? Ito ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at tsismis na itinanim ni Satanas sa iyo, at mga personal na pagnanais. Ang kaalaman mo tungkol sa mga positibong bagay, tulad ng pagkakakilanlan, diwa, katayuan ng Diyos at iba pa, ay biglang lumalabo at unti-unti pa ngang naglalaho. Sobrang nakakatakot ito. Hindi ba’t ito ay pagkahulog sa malaking panganib? (Oo.) Kapag nasadlak ka sa ganitong sitwasyon, kaya mo pa rin bang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para gawin ang tungkulin mo? Kaya mo pa rin bang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan? Sinasabi Ko sa iyo, napakahirap na bumalik. Ito ay pagiging naligaw! Kung hindi ka maingat sa loob ng ilang sandali at nalihis ka, pwedeng magkaroon ng mga kahindik-hindik na resulta kahit ang isang tsismis lang. Samakatwid, kapag lumilitaw sa iglesia ang mga gayong tsismis tungkol sa gawain ng Diyos, dapat na agad na pigilan at limitahan ang mga ito. Hindi dapat mag-imbento ang isang tao ng mga bagay-bagay nang walang batayan, at hindi dapat gumawa ng kung anu-anong kasinungalingan na gustong marinig ng mga tao, para ilihis at iligaw sila mula sa tamang landas. Kahit na gusto ng mga tao ang mga paksang ito, ano ang mabuting nagagawa nito kung tututukan ito ng isang tao sa kanyang puso at ipapakalat niya ang mga ito? Anong pakinabang ang maaaring makamit? Sinasabi ng ilang tao, “Pwedeng sabihin ng taong iyon anuman ang gusto niya, yamang bibig naman niya ito. Kaya hayaan siyang magsalita ayon sa gusto niya.” Depende iyan sa kung ano ba ang sinasabi. Kung isa itong bagay na nakapagpapatibay sa mga tao, pwede itong sabihin at ipalaganap—pwede itong ipalaganap sa anumang paraan. Pero ang mga tsismis na ito ay hindi nakapagpapatibay sa mga tao kahit kaunti; nililihis lang ng mga ito ang mga tao at inililigaw ang atensiyon nila, ginugulo ang paghahangad nila at inililigaw sila mula sa tamang landas, nakakaapekto sa ugnayan nila sa Diyos, nakakaapekto sa normal nilang paggampan ng tungkulin nila, at nakakaapekto sa normal na kaayusan ng gawain ng iglesia. Kapag tinanggap na ng mga tao ang mga tsismis na ito, para silang hindi makalabas sa isang pasikot-sikot at nakakalitong lugar. Kaya, kapag narinig mo ang mga tsismis na ito, kung sa iyo lang ito sinabi ng isang tao, dapat mo siyang itakwil. Kung sasabihin niya ang mga ito sa gitna ng ibang tao, hindi mo lang siya dapat itakwil, dapat mo rin siyang ilantad at himayin—huwag hayaan na malihis ang mas marami pang tao. Lalo na sa kaso ng mga isa o dalawang taon pa lang na nananampalataya, o dalawa o tatlong taon, hindi pa rin sila nakakakilatis sa mga usapin ng hantungan, pakikipagtagpo sa Diyos, at pagkaka-rapture, hindi pa sila nagkakaroon ng interes sa katotohanan, at wala silang landas para sa paghahangad sa katotohanan at paghahangad ng disposisyonal na pagbabago sa pananalig nila. Sa mga gayong sitwasyon, pinakamadali silang nalilihis at naiimpluwensiyahan ng mga tsismis na ito, at kapag nalihis na sila, kahindik-hindik ang mga kahihinatnan. Para itong pagkonsumo ng lason, kahit na may kontralason, hindi ba’t napinsala na ang katawan mo? Kahit na makaligtas ka, pwede bang balewalain ang pagdurusa at ang pinsala sa katawan mo? Samakatwid, kapag nahaharap sa mga tsismis na ito, dapat mong kilatisin at itakwil ang mga ito, huwag tratuhin ang mga ito bilang mga kuwento ni bilang mga totoong pangyayari. Ang ilang tao ay partikular na interesado sa mga tsismis na ito at ipinapalaganap at ipinapakalat ang mga ito sa lahat ng lugar, ibinabahagi ang mga ito sa iba na para bang ang mga ito ang katotohanan. Ano ang kalikasan nito? Hiindi ba’t pagkilos ito bilang mga alagad ni Satanas? Dapat na pungusan at bigyan ng babala ang mga gayong tao. Kung hindi sila magsisisi, dapat silang paalisin. Kung, sa isang punto, matauhan sila at sabihin nila, “Mali ang magpakalat ng mga tsismis; kumilos ako bilang isang alagad ni Satanas, at hindi ko na muling ipapakalat ang mga ito,” kapag nagkagayon ay pwede silang isailalim sa obserbasyon: Kung magsisisi sila at magpapakita ng mabuting pag-uugali, pwede silang tanggaping muli sa iglesia nang may kondisyon. Kung babalik ang masama nilang gawi, dapat silang paalisin.

Ang mga tsismis tungkol sa gawain ng Diyos ay hindi limitado sa mga ito. Ginagamit ng mga tao ang mga imahinasyon at kuru-kuro nila, pati na ang isipan nila, para magsuri at magsiyasat; sinisiyasat nila ang mga salita ng Diyos at ang iba’t ibang propesiya, pati na ang iba’t ibang sakuna, tanda, at kaganapan sa lipunan at sa mundo, umaasa pa nga sila sa mga panaginip nila para malayang magkomento sa gawain ng Diyos—nag-iimbento sila ng maraming tsismis. Maraming tao ang hindi regular na nagbabasa ng mga salita ng Diyos, o regular na pinagsusumikapan ang katotohanan, lalong hindi nila regular na pinagsusumikapan ang paghahanap sa mga prinsipyo sa paggawa ng mga tungkulin nila. Sa halip, pinagninilayan nila ang mga tanong na tulad ng, “Paano nagsimula ang pagpapakita at paggawa ng Diyos? Sino ang nagsimula ng lahat ng ito? Anong papel ang ginampanan ng mga tao? Ang mga kaganapan ang nangyari?” Sinisiyasat nila ang mga panlabas na penomenong ito, at ang administratibong balangkas, tauhan ng iglesia at iba pa. Pagkatapos ng lahat ng pagsisiyasat na ito? Ibinubuod nila ang lahat ng ito at nakakaisip sila ng ilang diumano’y mga panuntunan o penomeno at ipinapakalat nila ang mga ito sa iglesia na para bang ang mga ito ang katotohanan. Kapag ipinapakalat nila ang mga ito, inilalarawan nila ang mga ito sa isang malinaw at detalyadong paraan, at maaari pa ngang isipin niyong mga walang pagkilatis na tinatalakay nila ang gawain ng Diyos. Gayumpaman, iniisip niyong mga may pagkilatis, “Hindi ba’t naglilitanya ka ng walang katuturan at naglalabas ng mga maling paniniwala at mga panlilinlang? Hindi ba’t hinuhusgahan mo ang gawain ng Diyos? Hindi ito pagbabahagi ng pagkaunawa at mga karanasan—wala itong kinalaman sa katotohanan. Pag-iimbento ito ng mga tsismis at dapat itong pigilan agad; kung hindi, malilihis ang ilang tao!” Ang mga panlilinlang at maling paniniwalang ito, na maituturing na mga tsismis, ay hindi naaayon sa katotohanan at gumugulo sa pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan. Kapag ang akto ng pagpapakalat ng mga tsismis ay lumilitaw sa iglesia, dapat itong pigilan agad.

May ilang tsismis din na katumbas ng mga maladiyablong salita na humuhusga sa gawain ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa kung sino ang minamahal ng Diyos, sino ang inililigtas Niya, at sino ang ginagawa Niyang perpekto, ang ilang tao, gamit ang sarili nilang mababaw na pagkamautak, ay nagmamasid at nagbubuod, sinasabi nila, “Iyong mga nasa mundo na may kakayahan, at iyong mga naglingkod bilang mga opisyal, at iyong mga naging pinuno ng kagawaran o mga CEO ng mga kompanya, kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, ay direktang nagiging lider o agad na namamahala sa mga pangkalahatang usapin at pananalapi. Ang mga taong ito ang ginagawang perpekto ng Diyos.” Hindi ba’t pag-imbento ito ng mga tsismis? Pag-imbento nga ito ng mga tsismis. Ano ba ang isang tsismis? Ito ay pagsasalita nang iresponsable, bulag na paghusga, at pagbubuo ng mga kongklusyon nang walang batayan, sa paraang hindi naaayon sa mga katunayan; pawang tsismis ang mga salitang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Si Ganito-at-ganyan ay naghandog ng sampu-sampung libong yuan. Malaki ang pananalig niya, makakapasok siya sa kaharian.” Dahil dito, iyong mga walang pera ay nagiging negatibo at nababagabag; sinasabi nila. “Bagama’t may ilan na rin akong inihandog, hindi ito katumbas sa inihandog nila nang isang beses. Ibig sabihin ba nito ay hindi ako maliligtas at magagawang perpekto? Ayaw ba ng Diyos sa isang taong katulad ko?” Pagkatapos, sinasabi ng iba na nag-iimbento ng mga tsismis, “Hindi makakapasok sa kaharian ang mayayaman; gusto ng Diyos ang mahihirap.” Natutuwa ang mahihirap na tao: “Bagama’t hindi ako nakapaghandog ng maraming pera, pwede pa rin akong makapasok sa kaharian, habang ang mayayaman ay hindi.” Anuman ang sinasabi niyong mga nag-iimbento ng mga tsismis, nakakaimpluwensiya pa rin ito sa mahihirap na tao; hindi nila makilatis ang katunayan na pawang mga tsismis at maladiyablong salita lang ang mga ito. Bakit ganito? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang pagkilatis, kaya palagi silang nalilihis. Pawang mga diyablo kapwa iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis at iyong mga nagpapakalat ng mga ito. Gaano man karami ang sinasabi nila, hindi mo alam kung aling mga salita ang totoo at kung alin ang huwad, kung saan ba mismo nanggagaling ang mga salitang ito, ano ba ang mismong mga motibo nila sa pagpapakalat ng mga tsismis na ito, at anong mga layon ang gusto nilang makamit. Kung ang isang tao ay hindi makilatis ang mga tsismis na ito at bulag niyang tanggapin at ipakalat ang mga tsismis, hindi ba’t nagiging isa siyang hangal dahil doon? Hindi ba’t ang isang hangal ay tinatawag ding isang imoral na tao? Bagama’t hindi elegante ang salitang ito, tingin Ko ay nababagay ito. Bakit ito nababagay? Dahil nagsasalita nang iresponsable ang mga gayong tao. Kaswal silang nagpapakalat ng mga tsismis, walang ingat na nag-iimbento ng mga tsimis batay sa mga partikular na penomeno, at pagkatapos ay kaswal na ipinapakalat ang mga tsismis na ito at inilalarawan ang mga ito nang kapani-paniwala na para bang mga totoong pangyayari ang mga ito—bilang resulta, nakakaapekto at nakakagulo ito sa ilang tao. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang katotohanan; ginugugol nila ang mga araw nila sa pagpapakalat ng mga tsimis at pagsasalita ng walang katuturan sa iglesia. Ngayong araw, nakikita nila ang isang taong naghahandog ng marami at sinasabi nilang maliligtas ang taong iyon. Bukas, nakikita nila ang isang taong nakulong at hindi naging Hudas, at sinasabi nila. “Ang taong iyon ay kaisa ng puso ng Diyos. Makakapasok siya sa kaharian at magkakaroon ng magandang hantungan. Sa hinaharap, pamamahalaan niya ang dalawampung syudad sa sambahayan ng Diyos; tayong mga hukbong lakad lang ay walang binatbat kumpara sa kanila.” Hindi ba’t maladiyablong pananalita ito? Hindi ba’t mga tsismis ito? (Oo.) Anuman ang mga motibo at layon ng mga taong nagsasabi ng mga salitang ito, hindi ba’t maaapektuhan at magugulo nito ang ilang tao? Ang ilang tao ay may kaunting pananalig, at kapag naririnig nila ang mga tsismis at maladiyablong salitang ito, nagsisimula silang magnilay-nilay: “Maliligtas ba ako? Nalulugod ba sa akin ang Diyos?” Sa puso nila, iniisip nila ang mga bagay na ito nang buong araw, nag-aalinlangan at nag-aalala tungkol sa mga ito. Dahil sa walang basehang kalokohan niyong mga nag-iimbento ng mga tsismis, nararamdaman nilang wala silang pag-asa na maligtas, kaya lumalapit sila sa Diyos at nagdarasal: “Hindi Mo ba ako mahal, o Diyos? Napakarami ko nang tinalikdan para sa Iyo. Kailan ba Kita mapapalugod?” Punung-puno sila ng mga hinanakit. Walang nangyari, kaya saan nagmumula ang mga hinanakit na ito? Ang mga ito ay dulot ng mga tsismis na iyon—ang mga indibidwal na ito ay nalason at bumagsak. Wala silang nararamdamang anumang pagsisisi o pagkakasala para sa anumang nabunyag nilang mga tiwaling disposisyon o anumang mga pagsalangsang na nagawa nila, hindi sila kailanman umiiyak dahil dito—kahit ni isang luha—pero kapag naririnig nila na sinasabi niyong mga nag-iimbento ng mga tsismis na wala nang pag-asa ang mga tulad nila na maligtas, agad silang nababalisa. Hindi ba’t naapektuhan sila? Naapektuhan at nagulo sila. Ang mga taong ito ay kulang pa sa tayog, hindi nakakaunawa sa katotohanan, at napakahangal. Iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis ay nakikita ang mga gayong tao bilang madaling paglaruan kaya nag-iimbento sila ng mga tsismis para linlangin ang mga ito. Ngayon, sinasabi nilang may pag-asa kang maligtas, kaya masaya ka; bukas, sinasabi nilang wala kang pag-asang maligtas, kaya umiiyak at nababalisa ka. Bakit mo sila pinapakinggan? Bakit palagi ka nilang napipigilan? Sila ba ang may huling salita? Sa pinakamalala, mga payaso lang sila. Kahit ang kapalaran nila ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya anong mga kalipikasyon ang mayroon sila para suriin ang iba? Anong mga kalipikasyon ang mayroon sila para sabihin kung sino ang maliligtas at sino ang hindi, o kung anong uri ng mga tao ang magagawang perpekto at kung anong uri ang hindi? Nauunawaan ba nila ang katotohanan? Alin sa mga salita nila ang naaayon sa mga layunin ng Diyos at sa mga salita ng Diyos? Wala ni isang salita nila ang naaayon sa mga salita ng Diyos, kaya bakit mo sila pinaniniwalaan? Bakit ka nila nagugulo? Hindi ba’t dulot ito ng kahangalan? (Oo.) Dulot man ito ng kahangalan at kamangmangan o dahil masyadong maliit ang tayog mo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ano’t anuman, ang mga nagpapakalat ng mga tsismis sa iglesia ang pinakakasuklam-suklam. Dapat silang kilatisin, ilantad, at pagkatapos ay pigilan o paalisin.

Sinasabi ng ilang tao, “Tingnan mo si Ganito-at-ganyan, na may kaaya-ayang hitsura; pinili siya para maging isang lider ng iglesia. Si Ganito-at-ganyan ay nagpupunyagi sa lipunan, lahat ng nakakakita sa kanya ay gusto siya; pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos, gusto rin siya ng mga kapatid, at gusto rin siya ng Diyos.” May kahit isang tamang pahayag ba sa mga salitang ito? (Wala.) Bakit? (Hindi tumutugma ang mga ito sa katotohanan.) Tama, hindi tumutugma sa katotohanan ang mga salitang ito; pawang mga maladiyablong salita ang mga ito. Sinasabi ng ilan, “Ang pamilya ni Ganito-at-ganyan ay mayaman, maganda ang kalagayan sa buhay, at maalam sila. Kaya, sa sambahayan ng Diyos, sila ang nangangasiwa sa pananalapi at mga pangkalahatang usapin. Kapaki-pakinabang sila at kaya nilang akuin ang tungkuling ito. Ito ay ordinasyon ng Diyos.” Dahil ba sa pagdaragdag ng “ordinasyon ng Diyos” ay tumutugma na sa katotohanan ang pahayag na ito? Hindi ba’t maladiyablong pananalita ito? Ang mga gayong maladiyablong pananalita ay kolektibong tinatawag na mga tsismis. Anumang iresponsableng pahayag na hindi tumutugma sa mga katunayan, na kumokontra sa mga katunayang inorden ng Diyos, ay mga walang ingat na salita at walang batayang kongklusyon; pawang mga tsismis ang mga gayong pahayag. Bakit inilalarawan bilang tsismis ang mga ito? Dahil ang mga pahayag na ito, kapag nailabas, ay makakagulo at makakapinsala sa normal na pag-iisip at mga layon ng paghahangad ng ilang tao, kaya inilalarawan ang mga ito bilang mga tsismis. Ayon sa mga salita ng Diyos, sinasabi lang ng Diyos na ang lugar ng kapanganakan, pinagmulang pamilya, hitsura, tinapos sa pag-aaral ng mga tao, at iba pa ay inorden ng Diyos; hindi Niya kailanman sinabi sa mga tao na ang hitsura, panlipunang pinagmulan, o mga likas na kondisyon ng anumang kategorya ng mga tao ay mga kondisyon para mapagpala. Ang tanging pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao ay na magawa nilang hangarin ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Ito ang pinakamahalaga. Kung hindi tahasang nagsasaad ng isang bagay ang mga salita ng Diyos, at produkto lang ito ng mga personal na imahinasyon o haka-haka ng mga tao, itinuturing ding mga tsismis ang mga gayong pahayag. Palaging gustong husgahan ng mga tao kung mapagpapala ba ang isang tao batay sa mga obserbasyon at pagkaunawa nila, at dagdag pa rito, batay sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon. Pagkatapos, inilalabas nila ang mga panlilinlang na ito para impluwensiyahan ang paghahangad ng iba sa katotohanan, basta-bastang pinagpapasyahan kung sino ang maliligtas at sino ang hindi, kung sino ang mga tao ng Diyos, at sino ang mga trabahador. Mga tsismis ang lahat ng ito. Tungkol sa mga tsismis, pwede rin nating tawagin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Anuman ang uri ng mga tsismis o maladiyablong salita ang lumitaw, dapat agad na kumilos ang mga lider ng iglesia para pigilan at limitahan ang mga ito; siyempre, kung may sinuman sa mga kapatid ang may pagkilatis, dapat din silang kumilos para himayin at kilatisin kung saan nagmumula ang mga tsismis at kung ano ang kalikasan ng mga ito. Kapag nagkamit ng pagkaunawa ang mga kapatid sa mga bagay na ito, maaari silang tumindig para pabulaanan at pasinungalingan ang mga tsismis na ito, at limitahan din iyong mga nagpapakalat ng mga tsismis, sama-samang tinutuligsa ang mga ito. Paano nila ito dapat na gawin? Sa pamamagitan ng hayagang pagpuna sa mga taong ito sa harap ng lahat: “Ang sinasabi mo ay pawang mga tsismis at maladiyablong salita, hindi ito tumutugma sa mga salita ng Diyos, ni hindi ito tumutugma sa mga pangangailangan namin. Kung patuloy kang magpapakalat ng mga tsismis sa kabila ng mga paalala, papaalisin ka namin, para mawalan ka ng pagkakataong mag-imbento ng mga tsismis at magdulot ng mga panggugulo sa iglesia!” Kumusta ang ganitong pagsasagawa? (Mabuti.) Ang paggawa nito sa ganitong paraan ay tumutugma sa mga katotohanang prinsipyo. Kung makikipagbahaginan ka sa mga personal mong pagkaunawa na batay sa karanasan, nagsasabi ng mga bagay na nakapagpapatibay sa mga tao, kahit paano ka magsalita ay ayos lang. Pwede mong gamitin ang anumang salitang gusto mo, pormal na wika man o kolokyal; lahat ito ay pinapahintulutan. Ang tanging hindi mo pwedeng gawin ay magpakalat ng mga tsismis.

E. Ang Pinasalang Idinudulot ng mga Tsismis na Walang Batayan

Ang mga tsismis na ipinapakalat sa loob ng iglesia ay hindi lang tungkol sa pagtatatwa sa Diyos o paghusga sa gawain ng Diyos; may iba ring uri ng mga tsismis. Kailangang makilatis at mahimay ang mga tsismis na ito, at dapat ding pigilan at limitahan ang mga ito. Sa madaling salita, tiyak na walang naidudulot na mabuti ang mga tsismis; wala itong idinudulot na pakinabang sa mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong makinig sa mga tsismis para malaman ko kung ano ba ang sinasabi ng mga ito, para magkamit ako ng pagkilatis at karunungan mula sa mga ito.” Kung tunay na may kaunti kang kakayahang kumilatis at hindi ka takot na magulo ng mga tsismis, pwede kang makinig, pero ano ang magiging mga kahihinatnan? Kung malilito ka at magsisimula kang pagdudahan ang Diyos at ang gawain ng Diyos, mapanganib iyan; ibig sabihin nito ay nalihis ka na. Kung hindi ka makakilatis at sa halip ay nalihis ka, hindi ba’t problema iyon? May ganoong tayog ka ba? Iniisip mo na may pananalig ka, pero nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi tunay ang pananalig mo, at malilihis ka pa rin. Kung may nauunawaan kang kaunting katotohanan, may kaunting tunay na kaalaman sa Diyos, at kaya mong kilatisin at labanan ang mga tsismis na ito, maaari kang magkamit ng karunungan mula sa pakikinig sa mga ito. Kung tingin mo ay may pananalig ka lang, pero ang totoo, hindi pa tunay na tayog ang pananalig na ito, at hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan, sinasabi Ko na magiging napakahirap para sa iyo na talagang magkamit ng pagkilatis at karunungan mula sa mga tsismis. Saan nanggagaling ang mga tsismis? Nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Sinasamantala ni Satanas ang bawat butas at sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon para maging mapili sa mga pariralang ginagamit sa mga salita ng Diyos at para makahanap ng isang bagay na magagamit nito bilang kasangkapan sa mga salita ng Diyos, ginagamit ang mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto. Tila may batayan ito, pero ang totoo, ginagawa ito nang wala sa konteksto para ilihis ang mga tao. Matapos marinig ang mga tsismis na ito, iniisip niyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan: “May batayan sa mga salita ng Diyos ang sinasabi nila. Tiyak na tama ito. Hindi naman siguro ito tsismis, hindi ba?” Bilang resulta, nalilihis sila. Ang ilang tsismis ay halata at madaling makilatis. Gayumpaman, mahirap makilatis ang ilang tsismis; sa panlabas, tila naaayon sa mga katunayan ang mga ito, pero hindi ang diwa ng mga ito. Huwag isipin na dahil lang paimbabaw na naaayon ang mga tsismis na ito sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay tama na ang mga ito. Sa katunayan, marami sa mga pahayag na ito ay mga walang kabuluhang teorya, mga patibong ang mga ito, at walang idinudulot na pagpapatibay o pakinabang ang mga ito sa mga tao. Dapat na itakwil ang lahat ng pahayag na ito. Dahil magkakaiba ang antas ng pagkaunawa ng mga tao sa mga salita ng Diyos, at iba rin ang mga konteksto ng pagsasalita ng Diyos, ang bulag na paglalapat at pagbibigay-interpretasyon sa mga salita ng Diyos ang pinakamalamang na magdulot ng mga pagkakamali. Madalas na nililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto at pagbibigay ng maling interpretasyon sa mga ito. Anumang mga pagkondena sa gawain ng Diyos na batay sa Bibliya o sa mga salita ng Diyos ay panlalansi ni Satanas, ang paraan nito sa panlilihis sa mga tao; mga patibong ang mga ito, at dapat na itakwil ang lahat ng gayong pahayag. Sa panlabas, ang mga tsismis ay isa o dalawang komento lang, o mangilan-ngilang komento; hindi sapat ang mga ito para katakutan, at hindi dapat mangamba sa mga ito. Ang dapat na katakutan ay ang mga tsismis na bumubuo ng mga kongklusyon batay sa Bibliya o sa katotohanan nang wala sa konteksto. Ito ang may pinakahigit na kakayahang ilihis ang mga tao; ito ang pinakanakakagulo sa isipan ng mga tao. Dahil dito ay nagkakamali ang mga taong walang pagkilatis. Tanging iyong mga nakakaunawa sa katotohanan ang makakakilatis sa mga gayong maladiyablong pananalita. Halimbawa, hinahanap ng ilang tao ang ilang salita ng Diyos para gamiting batayan upang sabihin na minamahal ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao at hindi Niya minamahal ang ganoong uri, na inililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao at hindi Niya inililigtas ang ganoong uri ng mga tao, na ang ganitong uri ng mga tao ay itinitawalag ng Diyos, at na ang ganoong uri ay walang kabuluhan para sa Diyos, at kung ano-ano pa. Hindi ba’t mga kongklusyon ang mga pahayag na ito? Ang totoo, hindi tumutugma sa mga salita ng Diyos ang mga kongklusyong ito. Ang totoo, ang mga batayang nahahanap nila ay ginagamit nang wala sa konteksto; nabibilang ang mga ito sa ibang mga konteksto at ibang mga pahayag ang mga ito. Ito ay lubusang maling interpretasyon. Hindi nila nakikilatis ang diwa, at basta-basta nilang inilalapat ang mga regulasyon. Pero iyong mga walang pagkilatis ay nalalason at nalilihis pagkatapos na marinig ang mga panlilinlang na ito, nagiging negatibo sila sa puso nila, iniisip nila na dahil batay sa mga salita ng Diyos ang sinabi, tiyak na tumpak ito. Hindi nila maingat na binabasa ang mga salita ng Diyos pagkatapos para mahanap ang mga mali sa mga panlilinlang na ito, sa halip ay ganap silang naniniwala na totoo ang mga ito. Hindi ba’t nalilihis sila? Kung walang nakikipagbahaginan sa kanila na nakakaunawa sa katotohanan, napakamapanganib nito. Sa pinakamababa, maaaring maging negatibo ang mga taong ito sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon; hindi lang ito nakakaantala sa kanilang buhay pagpasok, kundi kapag umatras sila at tumigil sa pananampalataya, ganap silang mawawasak at tuluyan nang mawawala sa kanila ang pagliligtas ng Diyos. Samakatwid, ang mga taong may mababang tayog na hindi nakakaunawa sa katotohanan ay mas malamang na malihis ni Satanas! Tanging iyong mga nakakaunawa sa katotohanan ang ligtas at matatag. Kung isang araw ay talagang makatagpo mo ang isang taong nagpapakalat ng mga tsismis para ilihis ang mga tao, ang pinakaepektibong paraan ay ang agad na maghanap ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan sa kanya; saka ka lang masasalba mula sa sitwasyong ito. Ang paghingi ng tulong mula sa mga walang espirituwal na pagkaunawa na bulag na inilalapat ang mga regulasyon ay hindi lang mabibigong lutasin ang problema kundi lalo pang maglilihis sa iyo. Kaya, ang pagkalihis ay hindi lang nangyayari sa relihiyon—kahit na nananampalataya ka sa Diyos at namumuhay ng buhay iglesia, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, pwede ka pa ring agad na malihis. Kahit na tatlo hanggang limang taon ka nang nananampalataya, o pito hanggang walong taon, kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, nanganganib ka pa rin na malihis; sa partikular, iyong mga madalas na may mga kuru-kuro at madalas na negatibo ay pinakamalamang na malihis at magkanulo sa Diyos anumang oras. Sapagkat nililibot ni Satanas ang daigdig gaya ng isang mabagsik na leon, naghahanap ng mga taong malalamon; isa itong katunayan. Sino ang Satanas na ito? Ito ay lahat ng mga tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan, kabilang na ang mga anticristo, huwad na lider, iyong mga katawa-tawang tao, at iyong mga nanlilihis sa iba—lahat ng ito ay katumbas ni Satanas. Ang mga taong ito ay naglilibot sa lahat ng lugar, nililihis at ginugulo ang hinirang na mga tao ng Diyos saan man sila magpunta, kaya lahat sila ay mga diyablong lumalaban kay Satanas. Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na maging partikular na mapagbantay para matiyak na hindi sila malilihis at kaya nilang manindigan.

Hindi maikakaila na sa iglesia, ang ilang bagong mananampalataya o iyong mga may napakahinang kakayahan, na walang kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos, ay madalas na nalilihis, naiimpluwensiyahan, at nagugulo ng iba’t ibang tsismis. Iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis ay madaling mapapabagsak ang isang grupo ng mga tao gamit lang ang isang kaswal na kongklusyon. Ang mga salita at pahayag na walang ingat nilang ibinubulalas ay maaaring magdulot na ang ilang tao ay maging negatibo, mahina, at ayaw gumawa ng tungkulin ng mga ito. Kapag tumatawag ang sambahayan ng Diyos, iyak nang iyak ang mga taong ito, naghahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para tumanggi at makaiwas. Malinaw na anong papel ang ginagampanan sa iglesia niyong mga nag-iimbento ng mga tsismis? Kumikilos sila bilang mga alagad ni Satanas, walang duda. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Kailangan mong magkaroon ng alternatibong plano kapag ginagawa mo ang tungkulin mo. Tinatawag ka ng sambahayan ng Diyos para gumawa ng isang tungkulin, at kung hindi mo ito gagawin nang maayos, maaaring hindi ka na gamitin ng sambahayan ng Diyos anumang oras. Sa panahong iyon, kung uuwi ka, mahihirapan kang makaraos. Wala nang susuporta sa iyo!” “Mapagmahal” ba itong pakinggan? Tumutugma ito sa mga sentimyento ng tao at napakamapagmahal at napakamaalalahanin pakinggan, pero may naririnig ka bang anumang pagsaalang-alang para sa puso ng Diyos sa loob ng mga salitang ito? Nagbibigay ba ito ng anumang suporta, panustos, tulong, o pagpapalakas-loob sa mga tao? (Hindi.) Ang pagsabi sa mga tao na maghanda ng alternatibong plano—hindi ba’t paghadlang ito sa mga tao? Ano ang ibig nilang sabihin dito? “Kailangan mong mag-ingat; maaaring kalabanin ka ng Diyos!” Ito ang lasong itinatanim nila sa mga tao. Matapos itong marinig, iniisip ng mga tao, “Tama iyon, paanong naging napakahangal ko? Muntik ko nang ibenta ang bahay ko—kung hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko at natanggal ako, ni wala na akong bahay na mababalikan. Buti na lang, pinaalalahanan nila ako, kung hindi, may nagawa na sana akong kahangalan.” Kay “bait” naman ng paalalang ito, pero napakaraming lason nito, at malalim ito! Nakarinig na ba kayo ng mga gayong tsismis? Kung pakikinggan ay tila napakabuti nila sa mga tao, napakamapagsaalang-alang, nang may napakadakilang “pagmamahal.” Ang mga taong ito ay hindi mga kamag-anak ni kaibigan niyong mga kinakausap nila, hindi sila kadugo—dahil lang nananampalataya silang lahat sa Diyos kaya nagagawa ng mga taong ito na magkaroon ng dakilang pagmamahal para sa mga nakakausap nila. Iniisip ng mga tao, “Ito talaga ang proteksiyon ng Diyos! Kung gayon, mabuti pang pag-isipan ko muna ang mga bagay-bagay. Kung palagi akong pabasta-basta kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, ano ang gagawin ko kung mapaalis ako? Kaya, kailangan kong mag-ingat kapag ginagawa ang tungkulin ko; dapat akong gumawa ng higit pang gawain na magpapamukha sa aking mabuti, umiwas makagawa ng mga pagkakamali, at kahit na magkamali man ako, hindi ko pwedeng hayaan na malaman ng iba. Sa ganoong paraan, hindi ako mapapaalis, hindi ba? Kahit pa mapaalis ako, ayos lang; may alternatibo akong plano, may ipon ako, at naroon pa rin ang bahay ko. Hindi ba’t makatarungan na hindi isinaalang-alang ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao at hindi Siya bumabatay sa mga damdamin ng laman? Sa kabila nito, ano ba ang dapat na katakutan? Ang mga tao ay bumabatay sa mga damdamin nila, may pagmamahal saanman sa mundo ng tao!” Ang isang “mapagmahal” na pahayag na ito ay lumilikha ng “pagkakaibigan” sa pagitan ng mga tao, pero saan nito inilalagay ang Diyos? Ginagawa nitong pangatlo o pang-apat na priyoridad ang Diyos, ginagawa Siyang tagalabas, na para bang hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos at tanging ang mga tao ang karapat-dapat na pagkatiwalaan, tanging ang mga tao ang mapagsaalang-alang sa iba. Ang isang pahayag na ito ay nagbubunga ng napakalaking epekto, labis itong “napapanahon”! Gusto ba ninyong nakakarinig ng mga gayong salita? Bagama’t alam ninyo na may nakatagong kasamaan sa mga salita nila, umaasa pa rin kayo na may makapagbibigay ng pahiwatig, makakatulong sa inyo, makakapagbigay sa inyo ng babala mula sa isang taong may karanasan na tungkol doon kapag hindi ninyo alam ang naghihintay sa hinaharap, makakapagsabi ng taos-pusong salita sa inyo. Labis na “mahalaga” ang pahayag na ito, labis na “importante”! Hindi ba’t ito ay ganap na paniniwala sa mga salita nila? Ang “walang-ingat” na mga salita ng nag-imbento ng mga tsismis na ito ay nakapaniwala ng mga tao at nagkanulo sa Diyos. Paano ito naging pagkilos? Disente ba ito? (Hindi.) Anong uri kaya ito ng tao sa palagay ninyo? Sa mga mata ng mga tao, isa siyang mabuting tao, isang mabait na tao, pero sa mga mata ng mga nakakaunawa sa katotohanan, magulo ang isip ng taong ito. Batay sa mga kilos at pag-uugali ng taong ito, ganap siyang kumikilos bilang alagad ni Satanas, isa siyang tunay na diyablo! Tumpak bang sabihin ito? (Oo.) Napakatumpak nito! Hindi ito mali kahit kaunti. Hinihikayat niya ang lahat na maging mapagbantay laban sa Diyos, kontrahin ang Diyos, at wala siyang sinasabing ni isang salita na makakapagpatibay sa mga tao. Bakit nga ba? Dahil puno ng pagkamapanlaban at pagkamuhi sa Diyos ang puso niya, ang kalikasang diwa niya ay kay Satanas, at likas siyang lumalaban sa Diyos at kumokontra sa Kanya. Sinasabi ng ilang tao, “Likas siyang kumokontra sa Diyos, kaya bakit sumusunod pa rin siya sa Diyos?” Para magkamit ng mga pagpapala! Gusto niyang manipulahin ang kalalabasan ng pagiging pinagpala mula sa sambahayan ng Diyos, pero ayaw niyang magbayad ng anumang halaga o magsikap para sa katotohanan. Gusto rin niyang pahinain ang Diyos, guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at palayunin ang mga ito sa Diyos at ipagkanulo ng mga ito ang Diyos. Walang duda na isang tunay na diyablo ang gayong tao. Pero ang ilang hangal na tao ay palaging nabibigong makilatis at makilala ang maladiyablong mukha ng mga gayong tao. Kaya nilang tanggapin ang lahat ng maladiyablong salita na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at sa mga pangangailangan ng laman na sinasabi ng mga taong ito. Sa ilalim ng panlilihis ng mga taong ito, maaari nilang ipagkanulo at itakwil ang Diyos sa anumang sandali—kahit na ayaw nilang itakwil Siya, wala na ito sa kontrol nila. Napakatraydor at napakamapanlinlang ni Satanas, ng mga diyablo, at ng mga alagad ni Satanas! Sila mismo ay lumalaban sa Diyos at kumokontra sa Kanya, napopoot sila sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap, at gusto pa nilang pigilan ang mas maraming tao na sumunod sa Diyos at maghangad sa katotohanan. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga taong ito ay ginagampanan ang papel bilang kasangkapan ni Satanas, nagsasalita at kumikilos sila para kay Satanas. Nagsisilbi silang hambingan, partikular na ginagamit para ang mga tao ay lumago sa pagkilatis. Kaya, marami sa kanilang mga sinasabi ay maaaring mukhang hindi masyadong problematiko sa panlabas. Madalas pa nga nilang sinisipi ang mga salita ng Diyos, naghahanap ng ilang ebidensya at kasabihan sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay nagdaragdag sila ng ilang palamuti, pinalalabas nila na labis na tumutugma sa mga salita ng Diyos ang sinasabi nila. Pero isang bagay ang tiyak: Taliwas sa katotohanan ang sinasabi nila. Kapag narinig mo ang sinasabi nila, maaaring tila tama ito, pero kung maingat mo itong ikukumpara sa mga salita ng Diyos, makikilatis mo na sa pangunahin ay hindi ito tumutugma sa katotohanan. Lahat ng mapanlinlang na salitang sinasabi nila ay nagmumula kay Satanas. Sinusubok nila ang Diyos, naghahanap sila ng kalamangan mula sa mga salita ng Diyos, bininibigyan ng maling interpretasyon ang mga salita ng Diyos para kondenahin ang Diyos at ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos, na nagdudulot na ang mga ito ay magkaroon ng haka-haka, magkamali ng pagkaunawa, magkanulo, at magtakwil sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, bukod sa mga anticristo at masasamang tao, iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis para ilihis ang iba ay kabilang din sa kategorya ng mga tao sa iglesia na dapat kilatisin, bantayan, at alisin.

F. Pagkilatis sa mga Taong Nagpapakalat ng mga Tsismis na Walang Batayan at ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa Kanila

Paano natin dapat kilatisin iyong mga nasa iglesia na nag-iimbento ng mga tsismis para ilihis ang iba? Una, iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis ay tiyak na hindi naghahangad sa katotohanan; tutol sila rito. Dagdag pa rito, madalas silang nag-iimbento ng kung ano-anong maladiyablong salita at katawa-tawang pahayag at ginagamit nila ang mga ito para ilihis at akitin ang ilang kapatid na mababa ang tayog, mababaw ang pundasyon, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ang epektong nakakamit nila ay ang panggugulo at paninira sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, panggugulo sa normal na paghahangad ng mga tao at pagliligaw sa mga ito mula sa tamang landas, na nagdudulot na maging negatibo at mahina ang mga tao, at nagdudulot pa nga na talikdan nila ang mga tungkulin nila at tumigil sa pananampalataya sa Diyos—lalo silang sumasaya dahil dito. Samakatwid, ang pagtawag sa mga nag-iimbento ng mga tsismis bilang mga alagad ni Satanas ay isang ganap na tumpak na paglalarawan; ito ang tunay na mukha at katangian ng mga gayong tao, at madali itong makilatis. Ang ilang tao ay may kaunting katwiran; bagama’t hindi nila mismo minamahal ang katotohanan, hindi sila nagpapahayag ng mga opinyon o nanghihimasok sa kung paano hinahangad ng iba ang katotohanan. Pwedeng hindi pansinin ang mga taong ito. Pero ang ilang tao ay naiinggit at namumuhi sa mga naghahangad sa katotohanan; palagi nilang hinuhusgahan at binabatikos ang mga ito habang nagkikimkim sila ng mga partikular na layunin, at gumagamit pa nga sila ng ilang kalamangan para kondenahin ang mga ito. Dapat maging mapagbantay laban sa mga gayong tao. Bagama’t maaaring tila tama, lohikal, at naaayon sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ang sinasabi ng mga taong ito, kapag maingat na kinilatis, karamihan dito ay mga kasinungalingan at tsismis, ganap na walang katuturan. Dapat na kilatisin ang mga mapanlinlang na tsismis at kasinungalingang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kaunting panahon pa lang akong nananampalataya sa Diyos, kaunti pa lang ang nabasa kong mga salita ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Paano ko makikilatis ang mga tsismis at kasinungalingan?” Ang tanging paraan ay, mula ngayon, mas tutukan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, hayaan na mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa puso mo. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa pagtingin sa mga usapin nang ayon sa katotohanan, magkakaroon ka ng pagkilatis. Ang mga tsismis na ipinapakalat ng mga taong ito ay walang magiging epekto sa iyo at hindi makakagulo sa normal mong paghahangad. Kahit ano pa ang mga tsismis na pinag-uusapan nila o anumang walang katuturang bagay ang sinasabi nila, hindi ka matitinag pagkatapos mo itong marinig, ni magiging negatibo at mahina, at lalong hindi ka magkakaroon ng anumang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; tututok ka lang sa paghahangad sa tamang direksiyon. Nangangahulugan ito na may paglaban ka—ang mga gayong alagad ni Satanas ay wala nang magiging anumang epekto sa iglesia. Walang madaling paraan para matutong kumilatis ng mga tsismis. Ang tanging paraan ay ang mas makinig ng mga sermon, mas magbasa ng mga salita ng Diyos, at mas makipagbahaginan sa katotohanan. Kapag nagkamit ka ng pagkaunawa sa katotohanan, likas kang magkakaroon ng pagkilatis. Ano ang layon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan? Ito ay para maunawaan ang katotohanan at makilatis ang mga tsismis at panlilinlang na iyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kapag nakita mo na ang mga tsismis na iyon ay taliwas at kontra sa mga salita ng Diyos, ganap na salungat sa katotohanan, kusang mawawasak ang mga tsismis na ito. Siyempre, sinasasabi ng ilang tao, “Hindi ko pa pinagsumikapan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at hindi ko nauunawaan kung ano ba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Isang bagay lang ang natatandaan ko: Sa aspekto ng pag-asal ko, kailangan kong sumunod sa karamihan. Anuman ang itinatakwil ng karamihan, itinatakwil ko rin; anuman ang tinatanggap ng karamihan, tinatanggap ko rin. Sumusunod lang ako sa karamihan.” Tama ba ito? (Hindi.) Minsan, mali rin ang karamihan, at ang pagsunod sa karamihan ay nangangahulugan paggawa ng pagkakamali kasama nila. Dapat kang matutong sumunod sa mga nakakaunawa sa katotohanan; ito lang ang mabuting paraan.

Ang pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan ay isang bagay na madalas na mangyari sa iglesia. Bagama’t hindi isang malaking problema ang isyung ito, hindi maliit ang panggugulo at pamiminsala nito sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa pinakamababa, maaari nitong gawing negatibo at mahina ang mga tao; sa pinakamalubha, maaari itong magdulot na lumayo ang mga tao sa Diyos at ipagkanulo pa nga Siya. Samakatwid, ang pagpapakalat ng mga tsismis ay hindi pwedeng balewalain. Kapag nangyari ito sa iglesia, dapat itong agad na pigilan at limitahan. Kung ang mga lider ng iglesia ay manhid at mapurol ang utak, hindi makagawa ng tunay na gawain, at hindi matukoy ang isyung ito, pero natutukoy ito ng ilang tao na may mahusay na kakayahan na naghahangad at nakakaunawa sa katotohanan, dapat na kumilos ang huling grupo para lutasin ang isyung ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan kasama ang maraming tao para magkaroon ng isang kasunduan at makakuha ng kumpirmasyon, kapag natukoy na may mga tsismis na ipinapakalat, dapat hanapin ng mga tao ang katotohanan para lutasin ang isyu. Kung hindi malinaw na isang panlilinlang ang isang partikular na komento, huwag itong bulag na bansagan. Para sa mga komento na malinaw at walang pag-aalinlangan, na madaling makilatis bilang mga tsismis at panlilinlang, dapat agad na ilantad at himayin ang mga ito para makilatis ng lahat ang mga ito. Kung hindi mo makilatis kung ang sinasabi ng isang tao ay tsismis o panlilinlang matapos siyang marinig na magsalita ng isa o dalawang pangungusap, dapat mo itong harapin nang maingat at huwag bulag na bumuo ng mga kongklusyon. Hintayin silang matapos magsalita para malinaw na makakilatis. Kapag nakumpirma nang isa itong tsismis o panlilinlang, dapat agad na pigilan at limitahan ang taong ito. Kung hindi sila mapigilan ng mga paulit-ulit na paalala at limitasyon, at patuloy silang nagpupursige sa pagpapakalat ng mga tsismis, dapat silang paalisin sa iglesia. Malinaw ba ang prinsipyo at landas kung ano ang dapat gawin at paano magsasagawa kapag natutuklasan ang isang taong nagpapakalat ng mga tsismis sa iglesia? (Oo.)

Ang nilalaman ng mga tsismis ay hindi lang tungkol sa malalaking isyu na nabanggit Ko; may ilan ding tsismis na maliliit na impormasyon, tulad ng mga komento tungkol sa pagpupungos, o tungkol sa kung sino ang ginagamit ng sambahayan ng Diyos at sino ang itinitiwalag nito, at iba pang hindi totoong pahayag. Bago lubusang malinis ang iglesia, may mga huwad na lider, anticristo, iba’t ibang masasamang tao, mga taong magulo ang isip, mga mangmang na walang espirituwal na pagkaunawa—iba’t ibang uri ng tao ang nasa loob nito. Ang mga sinungaling at nag-iimbento ng mga tsismis ay pangkaraniwan, at may kung ano-anong uri ng mga tsismis at maladiyablong pananalita sa mga tao. Tungkol sa mga tsismis na ito, sa isang banda, kailangang magkaroon ang mga tao ng normal na katwiran para husgahan ang mga ito; sa kabilang banda, para sa mga mas seryosong tsismis na may kinalaman sa gawain ng Diyos, sa plano ng pamamahala ng Diyos, sa Diyos Mismo, at maging sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at iba pang usapin, kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanan para makilatis ang mga ito. Para sa mga panlabas na usapin, kailangang may katwiran ng normal na pagkatao ang mga tao para husgahan ang mga ito. Para sa mga usaping may kinalaman sa gawain ng Diyos at sa katotohanan, kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanang realidad at tayog para makilatis ang mga ito. Sa madaling salita, anuman ang uri ng mga tsismis, dapat na kilatisin at itakwil ng mga tao ang mga ito, hindi tanggapin. Siyempre, ang ilang tao ay hindi naghahangad sa katotohanan at namumuhay lang ayon sa mga tsismis na ito. Ngayon, may nagkakalat ng isang kasabihang nagpapagalaw sa hangin sa isang direksyon, at sumusunod ang mga tao rito. Bukas, may isa pang kasabihang nagpapagalaw sa hangin sa ibang direksiyon, at sumusunod naman sila roon. Halimbawa, sinasabi ng ilang lider o manggagawa na iyong mga marunong sumulat ng mga artikulo ng patotoo ay maaaring magawang perpekto, kaya nagsasanay silang magsulat ng mga artikulo, nag-aaral ng pagsusulat, at naghahanap ng mga sanggunian. Kinabukasan, isa pang lider o manggagawa ang nagsasabing ang mga gumagawa ng tungkulin nila ay maliligtas, kaya nagsisimula silang magpakaabala sa paggawa ng tungkulin. Pero gaano man sila kaabala, hindi sila kailanman nagiging balisa o interesado sa pinakamahalagang bagay: ang paghahangad sa katotohanan at buhay pagpasok. Ang iba’t ibang buktot na kalakarang nabubuo sa iba’t ibang grupo sa iglesia ay palaging inililigaw ang ilang tao. Ang iba’t ibang tsismis na nabubuo sa mga miyembro ng iglesia ay palaging nanlilihis at nakakaimpluwensya sa ilang tao. Gayumpaman, may ilan ding tao na nananatiling walang pakialam at hindi nagbibigay-pansin sa mga tsismis na ito na naririnig nila. Hindi nila iniintindi ang anumang gawaing ginagawa ng sambahayan ng Diyos; hindi sila interesado sa pananampalataya sa Diyos at hindi sila mga tunay na mananampalataya. Ang mga taong ito ay mga mananampalataya sa pangalan lang. May isa pang grupo ng mga tao na medyo mas mabuti; kaya nilang hanapin at tanggapin ang katotohanan, kaya hindi sila naaapektuhan ng mga negatibong bagay at negatibong taong ito. Tanging ang mga may maliit na tayog, walang pundasyon, at hindi talaga naghahangad sa katotohanan ang palaging naiimpluwensiyahan ng iba’t ibang kasabihan at komento. Dahil palaging sumusunod ang mga taong ito, palaging may ilan na nag-iimbento ng iba’t ibang tsismis para guluhin ang sitwasyon. Pakiramdam nila ay ito lang ang nagpapasigla at nagpapasaya sa pananampalataya sa Diyos, at hindi ito nakakabagot, at ito lang ang paraan para maramdaman nilang mahalaga sila. Ang mga ganitong bagay ay madalas na nangyayari sa mga bagong mananampalataya. Kung ang isang iglesia ay puno ng pagpapakalat ng mga tsismis at pagkalihis ng mga tao, nangangahulugan ito na tiyak na masyadong kakaunti ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan sa iglesiang iyon. Sa iglesia, iyong mga nabanggit na tao ay sumusunod sa anumang mga tsismis at anumang panunulsol na ginagawa ng mga taong may masamang motibo, na isang malaking problema. Bahagi nito ay dahil sa mahinang kakayahan at isa rin itong tunay na pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan. Karamihan sa sinasabi ng sinumang hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi praktikal na nahaluan ng mga dumi; sa mas tumpak na pananalita, lahat ito ay katumbas ng mga kasinungalingan. Kung taglay nito ang mga motibo at layon, hindi lang ito isang kasinungalingan kundi isang pakana ni Satanas at isang sabwatan ng masasamang tao. Samakatwid, karamihan sa sinasabi ng mga taong walang katotohanan ay maladiyablong pananalita at hindi dapat paniwalaan.

Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa paksa ng pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan. Ang usaping ito ng pagpapakalat ng mga tsismis ang pinakanagbubunyag ng mga tao, at tinutulutan nitong makita nang malinaw ang mga pag-uugali ng iba’t ibang tao. Dapat ay nauunawaan na ninyo ngayon kung anong saloobin ang dapat taglayin sa mga tsismis at sa mga nagpapakalat ng mga ito, at kung anong mga pamamaraan ang gagamitin para pangasiwaan ang mga ito, tama ba? (Tama.) Kapag nauunawaan na ninyo, kapag muli kayong nakatagpo ng mga gayong usapin, dapat ninyong ihambing ang mga ito sa pagbabahaginan natin, at gamitin ang mga pinakatamang pamamaraan para tugunan ang mga isyung ito. Ito ay tumutugma sa mga prinsipyo.

Hulyo 17, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 19

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito