Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 15

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga ito, at Baguhin ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa rito, Pagbahaginan ang Katotohanan upang Magkaroon ng Pagkilatis ang mga Hinirang ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila mula sa mga Ito (Ikatlong Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Kaganapan, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Buhay Iglesia

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga ito, at baguhin ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, ibahagi ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang mga hinirang ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga ito.” Tungkol sa responsabilidad na ito, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang problemang nauugnay sa buhay iglesia, na hinati natin sa labing isang isyu. Sige at basahin mo ang mga ito. (Una, madalas na pag-iiba ng paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; ikalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang loob nila; ikatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na ugnayan, at pangangasiwa sa mga personal na usapin; ikaapat, pagbubuo ng mga paksiyon; ikalima, pakikipag-agawan para sa katayuan; ikaanim, pakikipagrelasyon nang hindi wasto; ikapito, pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa; ikawalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; ikasiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; ikasampu, pagpapakalat ng mga tsismis na walang batayan; at ikalabing-isa, pagmamanipula at pananabotahe ng mga halalan.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalimang isyu na ang pakikipag-agawan para sa katayuan at ang ikaanim na isyu na ang pakikipagrelasyon nang hindi wasto. Ang dalawang uri ng problemang ito, tulad ng naunang apat na isyu, ay nagdudulot din ng mga panggugulo at paggambala sa buhay iglesia at sa normal na kaayusan ng iglesia. Kung titingnan ang kalikasan ng dalawang uri ng problemang ito, ang pinsalang idinudulot ng mga ito sa buhay iglesia, at ang epekto ng mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, maaaring mabuo ang mga ito ng mga tao, kaganapan, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia.

VII. Pambabatikos at Pagbabangayan sa Isa’t Isa

Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikapitong isyu—pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Ang mga gayong problema ay karaniwan sa buhay iglesia at malinaw sa lahat ng tao. Kapag nagtitipon ang mga tao para kumain at uminom ng salita ng Diyos, magbahaginan sa mga personal nilang karanasan, o magtalakay ng ilang aktuwal na problema, ang mga magkakaibang pananaw o debate tungkol sa kung ano ang tama at mali ay madalas na humahantong sa mga pagtatalo at alitan sa pagitan ng mga tao. Kung hindi nagkakasundo ang mga tao at may iba’t iba silang perspektiba, pero hindi ito nakakagulo sa buhay iglesia, maituturing ba ito na pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa? Hindi ito maituturing na gayon nga; nabibilang ito sa normal na pagbabahaginan. Samakatwid, sa panlabas, maraming problema ang maaaring tila nauugnay sa ikapitong isyu, pero sa katunayan, tanging iyong mga mas malubha sa usapin ng mga sitwasyon at kalikasan, at bumubuo sa mga paggambala at panggugulo, ang nabibilang sa isyung ito. Magbahaginan tayo ngayon tungkol sa kung aling kalikasan ng mga problema ang batayan para maging kalipikado ang mga ito na masama sa ilalim ng isyung ito.

Una, kung titingnan ang mga pagpapamalas ng pambabatikos sa isa’t isa, tiyak na hindi ito tungkol sa normal na pagbabahaginan sa katotohanan o paghahanap sa katotohanan, o pagkakaroon ng iba’t ibang pagkaunawa o liwanag batay sa pagbabahaginan sa katotohanan, o paghahanap, pagbabahaginan, pagtalakay sa mga katotohanang prinsipyo, at paghahanap ng landas ng pagsasagawa tungkol sa isang partikular na katotohanan, sa halip, tungkol ito sa pakikipagtalo at pag-aalitan sa kung ano ang tama at mali. Sa pangunahin ay ganito ito naipapamalas. Nangyayari ba minsan ang ganitong uri ng isyu sa buhay iglesia? (Oo.) Batay lang sa mga panlabas na hitsura, malinaw na ang pagkilos tulad ng pambabatikos sa isa’t isa ay tiyak na hindi tungkol sa paghahanap sa katotohanan, o tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan sa ilalim ng paggabay ng Banal na Espiritu, o tungkol sa pakikipagtulungan nang matiwasay, sa halip, nakaugat ito sa pagiging mainitin ng ulo, at ang wikang ginamit dito ay naglalaman ng paghusga at pagkondena, at maging ng mga pagsumpa—ang ganitong uri ng pagpapamalas ay tunay na isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Kapag binabatikos ng mga tao ang isa’t isa, matalas man o maingat ang wika nila, nasa loob nito ang pagiging mainitin ng ulo, ang pagiging mapaminsala, at pagkamuhi, at wala itong pagmamahal, pagpaparaya, at pagtitiis, at natural na lalong wala itong matiwasay na pakikipagtulungan. Iba’t iba ang mga pamamaraang ginagamit ng mga tao para batikusin ang isa’t isa. Halimbawa, kapag tinatalakay ng dalawang tao ang isang usapin, sinasabi ni taong A kay taong B, “May masamang pagkatao at mayabang na disposisyon ang ilang tao; nagpapakitang gilas sila sa tuwing may kaunti silang ginagawa, at hindi sila nakikinig sa kanino man. Katulad lang sila ng sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga barbaro at walang pagkatao gaya ng mga hayop.” Pagkarinig nito, iniisip ni taong B, “Hindi ba’t ako ang tinutukoy ng sinabi mo? Ginamit mo pa ang mga salita ng Diyos para ilantad ako! Dahil nagsalita ka tungkol sa akin, hindi rin ako magpipigil. Hindi ka naging mabait sa akin, kaya gagawan kita ng masama!” At kaya, sinasabi ni taong B, “Ang ilang tao ay maaaring tila napakadeboto sa panlabas, pero ang totoo, sa kaibuturan nila ay mas masahol sila kaysa sa sino pa man. Nakikipagrelasyon pa nga sila nang hindi wasto sa kasalungat na kasarian, tulad lang ng malalandi at mga babaeng mababa ang lipad na binanggit sa mga salita ng Diyos—labis na nasusuklam ang Diyos sa mga gayong tao, tutol Siya sa kanila. Ano ang silbi ng pagmumukhang deboto? Pagpapanggap lang ang lahat ng iyon. Pinakaayaw ng Diyos sa mga nagpapanggap; lahat ng nagpapanggap ay mga Pariseo!” Pagkarinig nito, iniisip ni taong A. “Isa itong kontra-atake laban sa akin! Ganoon pala ha, hindi ka naging mabait sa akin, kaya huwag mo akong sisisihin kung hindi ako magpipigil!” Nagsimula na silang dalawa na mag-away, sagutan sila nang sagutan. Pagbabahaginan ba ito tungkol sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? (Binabatikos ang isa’t isa at nag-aaway.) Sinusunggaban pa nga nila ang ilang kalamangan at naghahanap ng “batayan” para sa mga pambabatikos nila, ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan—ito ay pambabatikos sa isa’t isa, at kasabay nito, ito ay pagbabangayan. Nakikita ba minsan sa buhay iglesia ang ganitong anyo ng pagbabahaginan? Normal na pagbabahaginan ba ito? Pagbabahaginan ba ito sa loob ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, ang ganitong anyo ba ng pagbabahaginan ay nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia? Anong uri ng mga paggambala at panggugulo ang idinudulot nito? (Nagugulo ang normal na buhay iglesia, nagkakaroon ng alitan ang mga tao tungkol sa kung ano ang tama at mali, at dahil dito, hindi nila tahimik na mapagnilayan at mapagbahaginan ang mga salita ng Diyos.) Kapag nakikibahagi ang mga tao sa gayong pag-aaway at mga argumento tungkol sa kung ano ang tama at mali, at nagsasagawa sila ng mga personal na pambabatikos sa panahon ng buhay iglesia, gumagawa pa rin ba ang Banal na Espiritu? Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu; labis na nakakagulo sa puso ng mga tao ang ganitong uri ng pagbabahaginan. May ilang salita sa Bibliya, naaalala ba ninyo ang mga ito? (“Muling sinasabi Ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20).) Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Kapag nagtitipon-tipon ang mga tao sa harap ng Diyos, kailangan maging iisa ang puso at isip nila sa Diyos at kailangan nilang magkaisa sa harap ng Diyos; magkakaloob lang ang Diyos ng mga pagpapala sa kanila, at gagawa lang ang Banal na Espiritu, kapag iisa ang puso at isip ng mga tao. Pero iisa ba ang puso at isip ng dalawang taong nagtatalo na kakabanggit Ko lang kanina? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Pambabatikos sa isa’t isa, pakikipag-away, at maging paghusga at pagkondena. Bagama’t hindi sila gumamit ng masasamang sumpang salita o nagbanggit ng mga pangalan sa panlabas, ang motibasyon sa likod ng mga salita nila ay hindi ang pagbahaginan ang katotohanan o hanapin ang katotohanan, at hindi sila nagsasalita sa loob ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang bawat salitang sinabi nila ay iresponsable, at may pagkaagresibo at pagkamapinsala; ang bawat salita ay hindi tumutugma sa mga katunayan, ni walang anumang batayan. Ang bawat salita ay hindi tungkol sa paghusga sa usapin nang ayon sa mga salita ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos, tungkol ito sa pagsisimula ng mga personal na pambabatikos, paghusga, at pagkondena batay sa mga sarili nilang kagustuhan at kalooban laban sa isang taong kinamumuhian at minamaliit nila. Wala sa mga ito ang mga pagpapamalas ng pagiging iisa ang puso at isip; sa halip; ang mga ito ay mga salita at pagpapamalas na ngmumula sa pagiging mainitin ng ulo at sa tiwaling disposisyon ni Satanas, at hindi nakakalugod ang mga ito sa Diyos; samakatwid, walang gawain ng Banal na Espiritu roon. Isa itong pagpapamalas ng pambabatikos sa isa’t isa.

Sa buhay iglesia, ang mga alitan at di-pagkakasundo ay madalas na lumilitaw sa pagitan ng mga tao tungkol sa maliliit na usapin o magkataliwas na mga pananaw at interes. Ang mga alitan ay madalas ding nagaganap dahil sa mga hindi magkatugmang mga personalidad, ambisyon, at kagustuhan. Lumilitaw rin ang iba’t ibang uri ng pagtatalo at di-pagkakasundo sa mga indibidwal dahil sa mga pagkakaiba ng katayuan sa lipunan at antas ng edukasyon, o mga pagkakaiba sa usapin ng pagkatao at kalikasan nila, at maging mga pagkakaiba sa usapin ng pananalita at pangangasiwa sa mga usapin, bukod pa sa ibang mga dahilan. Kung hindi hahangarin ng mga tao na lutasin ang mga isyung ito gamit ang salita ng Diyos, kung walang pagkakaunawaan, pagpaparaya, pagsuporta, at pagtulong sa isa’t isa, at sa halip ay nagkikimkim ang mga tao ng mga pagkiling at pagkamuhi sa puso nila, at tinatrato ang isa’t isa nang may pagkamainitin ng ulo sa loob ng mga tiwaling disposisyon, kung gayon ay malamang na humantong ito sa mga pambabatikos at paghusga sa isa’t isa, May kaunting konsensiya at katwiran ang ilang tao, at kapag nagaganap ang mga alitan, nagagawa nilang magtimpi, kumilos nang may katwiran, at tulungan ang kabilang panig nang may pagmamahal. Gayumpaman, hindi ito makamit ng ilang tao, wala sila kahit ng pinakabatayang pagpaparaya, pagtitimpi, pagkatao, at katwiran. Madalas silang nagkakaroon ng iba’t ibang pagkiling, paghihinala, at maling pagkaunawa laban sa iba tungkol sa maliliit na usapin, o sa iisang salita o ekspresyon ng mukha, na humahantong sa pagkakaroon nila ng iba’t ibang uri ng kaisipan, pagdududa, paghusga, at pagkondena sa mga ito sa puso nila. Ang mga penomenong ito ay madalas na nagaganap sa loob ng iglesia at madalas na nakakaapekto sa normal na ugnayan sa pagitan ng mga indibidwal, sa matiwasay na pakikisalamuha ng mga kapatid, at maging sa pagbabahaginan nila sa mga salita ng Diyos. Karaniwan nang lumilitaw ang mga alitan kapag nakikisalamuha ang mga tao sa isa’t isa, pero kung madalas na lumitaw ang mga gayong isyu sa buhay iglesia, maaaring makaapekto, makagulo, at makasira pa nga ang mga ito sa normal na buhay iglesia. Halimbawa, kung magsisimula ang isang tao ng isang pagtatalo sa isang pagtitipon, magugulo ang pagtitipong iyon, hindi magbubunga ang buhay iglesia, at walang makakamit iyong mga dumadalo sa naturang pagtitipon, ar sa esensiya ay magtitipon-tipon sila nang walang saysay at mag-aaksaya ng oras nila. Dahil dito, nakaapekto na ang mga isyung ito sa normal na kaayusan ng buhay iglesia.

A. Iba’t Ibang Uri ng Pagpapamalas ng Pambabatikos at Pagbabangayan sa Isa’t Isa
1. Paglalantad ng mga Kakulangan ng Isa’t Isa

Mahilig magdaldal ang ilang tao tungkol sa mga usapin sa tahanan at mga hindi mahalagang paksa sa panahon ng mga pagtitipon, at nakikipag-usap sila tungkol sa maliliit na usapin sa tahanan at nakikipagdaldalan sa mga kapatid sa tuwing nakakatagpo nila ang mga ito, dahil dito ay nararamdaman ng mga kapatid na wala silang magawa. Maaaring may isang taong tumindig para sumingit sa kanila, pero ano ang nangyayari pagkatapos? Kung palagi silang sinisingitan, nagiging hindi sila masaya, at nagiging problema ang pagiging hindi masaya nila. Iniisip nila: “Palagi kang sumisingit sa akin at hindi mo ako hinahayaang magsalita. Ganoon pala ha. Sisingit din ako kapag nagsasalita ka! Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa mga salita ng Diyos, isisingit ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa pagkilala sa sarili mo, makikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos na humahatol sa mga tao. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa pag-unawa sa iyong mayabang na disposisyon, makikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagtukoy sa mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Anuman ang sabihin mo, may iba akong sasabihin!” Hindi lang iyon; kung sumali ang iba para sumingit sa kanila, titindig ang indibidwal na ito at babatikusin ang mga ito. Kasabay nito, dahil nagkikimkim siya ng sama ng loob at pagkamuhi sa puso niya, madalas niyang inilalantad sa mga pagtitipon ang mga kakulangan ng taong sumingit sa kanya—sinasabi kung paanong nandaya ng ibang tao sa negosyo ang taong iyon bago ito nanampalataya sa Diyos, kung gaano ito kamapanlinlang sa pakikitungo sa iba, at iba pa—binabanggit niya ang mga bagay na ito sa tuwing nagsasalita ang taong iyon. Sa umpisa, nagagawang magtimpi ng taong iyon, pero sa paglipas ng panahon, nagsisimula na siyang mag-isip: “Palagi kitang tinutulungan, palagi akong nagpaparaya at nagtitimpi sa iyo, pero hindi ka nagpaparaya sa akin. Kung tatratuhin mo ako nang ganito, huwag mo akong sisisihin kung hindi na ako magpipigil! Napakatagal na nating nakatira sa iisang nayon, kilalang-kilala natin ang isa’t isa. Binatikos mo ako, kaya babatikusin kita; inilantad mo ang mga kakulangan ko, pero marami ka rin namang kakulangan.” At kaya, sinasabi niya, “Nagnakaw ka pa nga ng mga bagay-bagay noong bata ka pa; mas kahiya-hiya iyong maliliit na pagnanakaw mo! Kahit papaano, pagnenegosyo naman ang ginawa ko, lahat ng iyon ay para sa kabuhayan. Sino ba ang hindi nakakagawa ng ilang pagkakamali sa mundong ito? Paano naman ang pag-uugali mo? Ang pag-uugali mo ay pag-uugali ng isang magnanakaw, ng isang mandurukot!” Hindi ba’t pambabatikos ito sa isa’t isa? Ano ang pamamaraan ng mga pambabatikos na ito? Ito ay paglalantad ng mga kakulangan ng isa’t isa, hindi ba? (Oo.) Iniisip pa nila: “Palagi mong inilalantad ang mga kakulangan ko, ipinapaalam sa lahat ang mga ito at ang kahiya-hiyang nakaraan ko, para hindi na ako galangin ng iba—buweno kung gayon, hindi na rin ako magpipigil. Alam ko kung gaano na karami ang naging kasintahan mo, kung ilang tao na ng kasalungat na kasarian ang nakarelasyon mo; nakahanda na ang lahat ng balang ito. Kung ilalantad mo ulit ang mga kakulangan ko at gagalitin mo ako nang husto, isisiwalat ko ang lahat ng masamang gawa mo!” Ang mutwal na paglalantad ng mga kakulangan ay isang pangkaraniwang isyu sa mga taong magkakilala nang mabuti at maraming alam sa isa’t isa. Maaaring dahil sa hindi pagkakasundo o dahil may alitan o mga sama ng loob sa pagitan nila, ginagamit ng dalawang tao ang mga luma at maliliit na isyu bilang armas para batikusin ang isa’t isa sa panahon ng mga pagtitipon. Inilalantad ng dalawang taong ito ang mga kakulangan ng isa’t isa at binabatikos at kinokondena nila ang isa’t isa, kinokonsumo ang oras ng lahat na dapat sana ay para sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, at nakakaapekto sa normal na buhay iglesia. Maaari bang magbunga ang mga gayong pagtitipon? Ginaganahan pa bang makipagtipon ang mga tao sa paligid nila? Nagsisimula nang isipin ng ilang kapatid: “Talagang problema ang dalawang ito, ano ba ang silbi ng pagbabanggit ng mga usaping iyon na nakaraan na? Pareho na silang nananampalataya sa Diyos ngayon, dapat bitiwan na nila ang mga bagay na iyon. Sino ba ang walang mga isyu? Hindi ba’t humarap na silang dalawa sa Diyos ngayon? Ang lahat ng isyung ito ay maaaring malutas sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Ang paglalantad ng mga kakulangan ay hindi pagsasagawa sa katotohanan, ni hindi ito pagkatuto mula sa mga kalakasan ng isang tao para punan ang sariling mga kahinaan; ito ay mga pambabatikos sa isa’t isa, ito ay satanikong pag-uugali.” Nakakagulo at nakasisira sa normal na buhay iglesia ang mga pambabatikos nila sa isa’t isa. Walang makakapigil sa kanila, at hindi sila makikinig sinuman ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Pinapayuhan sila ng ilang tao: “Itigil na ninyo ang paglalantad ng mga kakulangan ng isa’t isa. Sa totoo lang, hindi naman malaking isyu ang buong usaping ito; hindi ba’t panandaliang sagutan lang ito? Wala namang matinding pagkamuhi sa pagitan ninyong dalawa. Kung magagawa ninyo pareho na maging bukas, ilantad ang inyong sarili, bitiwan ang inyong mga pagkiling, sama ng loob, at pagkamuhi para magdasal at hanapin ang katotohanan sa harap ng Diyos, malulutas ang lahat ng isyung ito.” Pero hindi pa rin magkasundo ang dalawang tao. Sinasabi ng isa sa kanila, “Kung siya ang unang hihingi ng tawad sa akin, at kung siya ang unang magbubukas at maglalantad ng sarili niya, gagawin ko rin iyon. Pero kung tulad ng dati, hindi niya bibitawan ang isyung ito, hindi ako magpipigil laban sa kanya! Sinasabihan mo akong isagawa ko ang katotohanan—bakit hindi niya gawin iyon? Sinasabihan mo akong bitiwan ko ang mga bagay-bagay—bakit hindi siya mauna?” Hindi ba’t pagiging hindi makatwiran ito? (Oo.) Nagsisimula silang kumilos nang hindi makatwiran. Walang epekto sa kanila ang payo ng sinuman, at hindi sila nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa sandaling magkita sila, nagtatalo na sila, inilalantad nila ang mga kakulangan ng isa’t isa at binabatikos nila ang isa’t isa. Maliban sa hindi pagsusuntukan, may pagkamuhi sa lahat ng ginagawa nila sa isa’t isa, at bawat salitang binibitawan nila ay may halong pambabatikos at pagsumpa. Kung, sa buhay iglesia, may dalawang taong ganito na nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa sa sandaling makita nila ang isa’t isa, maaari bang magbunga ang buhay iglesia na ito? May makakamit bang anumang positibo rito ang mga tao? (Wala.) Kapag lumilitaw ang mga gayong sitwasyon, nag-aalala ang karamihan ng tao, sinasabi nila: “Sa tuwing nagtitipon tayo, palaging nag-aaway ang dalawang iyon, at hindi sila nakikinig sa payo ng sinuman. Ano ang dapat nating gawin?” Hangga’t naroroon sila, hindi payapa ang mga pagtitipon, at nagugulo nila ang lahat. Sa mga gayong kaso, dapat mamagitan ang mga lider ng iglesia para lutasin ang isyu; hindi nila dapat hayaang patuloy na guluhin ng mga gayong indibidwal ang buhay iglesia. Kung, pagkatapos ng paulit-ulit na payo, pakikipagbahaginan, at positibong paggabay ay walang nakakamit na resulta, at patuloy na pinanghahawakan ng dalawang panig ang kanilang mga pagkiling at ayaw nilang patawarin ang isa’t isa, at patuloy nilang binabatikos ang isa’t isa at ginugulo ang buhay iglesia, kinakailangan nang lutasin ang usapin ayon sa mga prinsipyo. Dapat sabihin sa kanila: “Kayong dalawa ay matagal nang nasa ganitong kalagayan, at nagdulot ito ng matitinding panggugulo sa buhay iglesia at sa lahat ng kapatid. Galit ang karamihan ng tao sa pag-uugali ninyong ito, pero natatakot silang magsalita tungkol dito. Dahil sa kasalukuyan ninyong saloobin at mga pagpapamalas, alinsunod sa mga prinsipyo, kailangang suspindihin ng iglesia ang pakikilahok ninyo sa buhay iglesia at ihiwalay kayo para pagnilayan ninyo ang inyong sarili. Kapag kaya na ninyong magkasundo, lumahok sa normal na pakikipagbahaginan, at magkaroon ng mga normal na ugnayan sa ibang tao, maaari na kayong bumalik sa buhay iglesia.” Sumasang-ayon man sila rito o hindi, dapat magdesisyon nang ganito ang iglesia; pangangasiwa ito sa usapin nang batay sa mga prinsipyo. Kailangang pangasiwaan sa gayong paraan ang mga usaping ito. Sa isang banda, nakakabuti ito para sa dalawang indibidwal; maaari itong makahikayat sa kanila na magnilay-nilay at kilalanin ang sarili nila. Sa kabilang banda, pangunahin nitong pinoprotektahan ang mas marami pang mga kapatid mula sa panggugulo ng masasamang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Wala naman silang ginawang anumang kasamaan; sa usapin ng diwa nila, hindi rin sila masamang tao. May maliliit lang silang kapintasan sa pagkatao nila, sutil lang sila, may tendensiya na maging hindi makatwiran, at may tendensiya na magselos at makipag-alitan. Bakit sila ihihiwalay nang dahil lang dito?” Anuman ang pagkatao nila, basta’t nagdudulot sila ng panggugulo sa buhay iglesia, dapat mamagitan ang mga lider ng iglesia para tugunan at lutasin ang isyu. Kung masama ang dalawang indibidwal na ito, sa sandaling makilatis ito, ang tugon ay hindi dapat ang simpleng ihiwalay sila; kailangang magdesisyon kaagad na direkta silang paalisin. Kung ang mga kilos nila ay limitado sa pambabatikos sa isa’t isa at pagtatalo tungkol sa tama at mali nang hindi nagdudulot ng pinsala sa iba o gumagawa ng ibang masamang gawa na magdudulot ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila masama, hindi na sila kailangan pang alisin. Sa halip, dapat suspendihin ang buhay iglesia nila, at dapat silang ihiwalay para pagnilay-nilayan nila ang sarili nila. Pinakaangkop ang pamamaraang ito. Ang layon ng pangangasiwa sa isyu sa ganitong paraan ay para masiguro ang normal na kaayusan ng buhay iglesia at matiyak na makakapagpatuloy nang normal ang gawain ng iglesia.

2. Paglalantad at mga Pambabatikos sa Isa’t Isa

Ang ilang tao ay walang kakayahang umarok ng salita ng Diyos at hindi nila alam kung paano pagbahaginan ang kanilang pagkaunawang batay sa karanasan sa salita ng Diyos. Ang alam lang nila ay iugnay ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tao sa iba. At kaya, sa tuwing nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, palagi silang may mga personal na motibo; palagi nilang gustong samantalahin ang pagkakataon para ilantad at atakihin ang iba, na nagdudulot ng ligalig sa iglesia. Kung iyong mga inilantad ay matatrato nang tama ang mga sitwasyong ito, mauunawaan ang mga ito bilang nagmumula sa Diyos, at matututo ng pagpapasakop at pagtitimpi, walang magiging anumang alitan. Gayumpaman, hindi maiiwasang makaramdam ng pagtutol ang isang tao kapag narinig niyang pinagbabahaginan at inilalantad ng iba ang mga isyu niya. Iniisip niya: “Bakit pagkatapos mong basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo ibinabahagi ang pagkaunawang batay sa karanasan mo sa mga ito, o hindi mo tinatalakay ang tungkol sa pagkakilala sa sarili mo, at sa halip ay binabatikos at pinupuntirya mo lang ako? Ayaw mo ba sa akin? Malinaw nang sinabi ng mga salita ng Diyos na may tiwaling disposisyon ako—kailangan mo pa ba talaga itong sabihin? Maaaring may tiwaling disposisyon ako, pero hindi ba’t mayroon ka rin naman? Palagi mo akong pinupuntirya, tinatawag mo akong mapanlinlang, pero may katusuhan ka rin naman!” Dahil puno siya ng sama ng loob at pagtutol, maaaring magtimpi siya nang isa o dalawang beses, pero paglipas ng ilang panahon, at naipon na ang mga hinanakit niya, sumasabog siya. At kapag sumabog siya, malaking pinsala ito. Sinasabi niya: “Kapag kumikilos at nagsasalita ang ilang tao, nagpapanggap sila na napakatapat at bukas sa panlabas, pero sa aktuwal, puno sila ng lahat ng uri ng pakana, at palagi silang may pinaplano laban sa iba. Walang nakakaarok sa kanilang mga iniisip at layunin kapag kinakausap sila; mga mapanlinlang silang tao. Kapag nakakatagpo tayo ng mga gayong indibidwal, hindi tayo pwedeng makipag-usap o makihalubilo sa kanila; masyado silang nakakatakot. Kung hindi ka maingat, mahuhulog ka sa bitag nila at madadaya at magagamit ka nila. Ang mga gayong tao ang pinakamasama, ang uri na pinakakinamumuhian at pinakakinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang itapon sa walang hanggang hukay, sa lawa ng apoy at asupre!” Pagkatapos itong marinig, iniisip ng kabilang panig: “May mga tiwaling disposisyon ka pero hindi mo hinahayaan ang ibang tao na ilantad ka? Napakayabang at napakamapagmagaling mo, kaya maghahanap ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos para ilantad ka, at titingnan natin kung ano ang masasabi mo!” Mas lalo namang nagagalit ang kabilang panig matapos siyang ilantad, at iniisip niya: “Hindi mo pa rin ito tatantanann, tama ba? Ayaw mo pa rin itong bitiwan, ano? Ayaw mo lang talaga sa akin, at iniisip mong may tiwaling disposisyon ako, hindi ba? Sige, ilalantad din kita!” At kaya sinasabi niya: “Sadyang anticristo ang ilang tao; mahal nila ang katayuan at at ang papuri ng iba, gustong-gusto nilang sinesermunan ang iba, ginagamit ang mga salita ng Diyos para ilantad at kondenahin ang iba, ipinapaisip sa iba na sila mismo ay walang tiwaling disposisyon. Napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili, at iniisip nilang naging banal na sila, pero hindi ba’t maruruming demonyo lang sila? Hindi ba’t mga Satanas at masasamang espiritu lang sila? Ano ba ang mga anticristo? Ang mga anticristo ay mga Satanas!” Ilang beses na ba silang nakipaglaban? May nanalo ba? (Wala.) May nasabi ba silang maaaring magpatibay sa iba? (Wala.) Kung gayon, ano ang mga salitang ito? (Mga paghusga, pagkondena.) Mga paghusga ang mga ito. Nagsasalita sila nang walang ingat nang walang pakialam sa aktuwal na sitwasyon o mga katunayan, basta-basta nilang hinuhusgahan at kinokondena ang iba, isinusumpa pa nga ang mga ito. May batayan ba sa katunayan ang pagtawag nilang anticristo sa kabilang panig? Anong masasamang gawa at mga pagpapamalas ng isang anticristo ang ipinakita ng taong iyon? Ang tiwaling disposisyon ba nila ay umaabot sa antas ng diwa ng isang anticristo? Kapag naririnig ng hinirang na mga tao ng Diyos na inilalantad nila ang kabilang panig, iisipin ba nilang obhetibo at makatotohanan ito? May anumang kabaitan o mabubuting layunin ba sa mga salitang binitiwan ng dalawang taong ito? (Wala.) Ang layon ba nila ay tulungan ang isa’t isa na makilala ang sarili nila, at bigyang-kakayahan ang isa’t isa na iwaksi ang tiwaling disposisyon nila at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon? (Hindi.) Kung gayon, bakit nila ito ginagawa? Para ibulalas ang personal nilang galit, para atakihin at gantihan ang kabilang panig, kaya basta-basta nila itong inaakusahan ng kung ano na hindi naman talaga tugma sa mga katunayan. Hindi nila tumpak na sinusuri o inilalarawan ang isa’t isa batay sa mga salita ng Diyos at sa mga pagbubunyag at diwa ng kabilang panig, sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para atakihin ang isa’t isa, maghiganti, at ibulalas ang personal nilang galit; hindi talaga nila pinagbabahaginan ang katotohanan. Isa itong seryosong isyu. Palagi nilang sinusunggaban ang mga bagay tungkol sa kabilang panig para batikusin at kondenahin ito dahil sa pagkakaroon ng mayabang na disposisyon—masama at mapaminsala ang saloobing ito, at tiyak na walang mabuting layunin ang paglalantad na ito. Bilang resulta, humahantong lang ito sa pagkamapanlaban at pagkamuhi sa isa’t isa. Kung isinasagawa ang paglalantad nang may saloobin ng pagtulong sa iba nang dahil sa pagmamahal, mararamdaman ito ng mga tao at matatanggap nila ito nang tama. Pero kung susunggaban ng isang tao ang mayabang na disposisyon ng kabilang panig para kondenahin at batikusin ito, ito ay para lang atakihin at pahirapan ang taong iyon. May mayabang na disposisyon ang lahat ng tao, kaya bakit isang tao ang palaging pinupuntirya? Bakit palaging tinututukan ang isang tao at hindi siya binibitiwan? Ang palagiang paglalantad sa mayabang na disposisyon ng taong iyon—layon ba talaga nitong tulungan siyang iwaksi ang disposisyong iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dahilan nito? Dahil hindi nila gusto ang taong iyon, kaya naghahanap sila ng mga pagkakataon para atakihin ito at makaganti, palaging gustong pahirapan ito. Samakatwid, kapag sinabi nilang ang kabilang panig ay isang anticristo, isang Satanas, isang diyablo, isang mapanlinlang at masamang tao, totoo ba iyon? Maaaring medyo may kaugnayan ito sa mga katunayan, pero ang layon nila sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay hindi para tumulong sa kabilang panig o makipagbahaginan sa katotohanan kundi para ibulalas ang kanilang personal na galit at makaganti. Pinahirapan sila, at kaya gusto nilang gumanti. Paano sila gumaganti? Sa pamamagitan ng paglalantad sa kabilang panig, pagkondena rito, pagtawag rito na isang diyablo, Satanas, masamang espiritu, anticristo—ibinabansag dito ang pinakakahindik-hindik na katawagan, at ang pinakamabigat na akusasyon. Hindi ba’t ito ay basta-bastang paghusga at pagkondena? Ang layunin, layon, at motibasyon ng parehong panig sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay hindi para tulungan ang kabilang panig na makilala ang sarili nito at malutas ang mga tiwaling disposisyon nito, lalong hindi ito para tulungan itong makapasok sa realidad ng salita ng Diyos o maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, sinusubukan nilang batikusin at atakihin ang kabilang panig, ilantad ito para makamit ang pakay nilang ibulalas ang personal nilang galit at makaganti. Ito ay pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Bagama’t ang ganitong pamamaraan ng pambabatikos sa iba ay maaaring magmukhang mas may batayan kaysa sa paglalantad ng mga kakulangan ng isa’t isa, at ito ay pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa kabilang panig para sabihin na may tiwaling disposisyon ito, at na isa itong diyablo at Satanas, at sa panlabas ay tila espirituwal ito, pareho ang kalikasan ng dalawang pamamaraang ito. Ang mga pamamaraang ito ay hindi tungkol sa pagbabahaginan sa salita ng Diyos at sa katotohanan sa loob ng normal na pagkatao, sa halip, ang mga ito ay tungkol sa iresponsable at basta-bastang paghusga, pagkondena, at pagsumpa sa kabilang panig batay sa mga personal na kagustuhan, at mga personal na pambabatikos. Ang mga dayalogong may ganitong kalikasan ay nagdudulot din ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at humahadlang at nakakapinsala ang mga ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.

Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng dalawang taong nambabatikos sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng isa’t isa? Kailangan pa bang hampasin ang lamesa at sermunan sila? Kailangan pa ba silang buhusan ng isang timba ng malamig na tubig para huminahon sila, at mapagtanto nila na mali sila at humingi sila ng tawad sa isa’t isa? Malulutas ba ng mga pamamaraang ito ang problema? (Hindi.) Ang dalawang indibidwal na ito ay palaging nag-aaway sa bawat pagtitipon, at pagkatapos ng bawat isang pagtitipon, naghahanda na sila para sa susunod na pag-aaway. Sa bahay, naghahanap sila ng mga salita ng Diyos at ng mga basehan para gamitin sa mga pambabatikos nila. Nagsusulat pa sila ng mga borador, at iniisip nila kung paano babatikusin ang kabilang panig, kung aling mga aspekto nito ang dapat na batikusin, kung paano ito huhusgahan at kokondenahin, kung anong tono ang gagamitin, at kung aling mga salita ng Diyos ang gagamitin para maisagawa ang pinakakapani-paniwalang pambabatikos at pagkondena. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang espirituwal na termino at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag para kondenahin at atakihin ang kabilang panig, pinipigilan ito na ituwid ang sitwasyon, at nagsusumikap silang pabagsakin ito sa susunod na pag-aaway, at para imposible na itong makabangong muli. Ang mga pag-uugaling ito ay pawang nabibilang sa mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Madali bang lutasin ang mga gayong isyu? Kung, pagkatapos tumanggap ng payo, tulong, at pagbabahaginan sa katotohanan mula sa karamihan ng tao, hindi pa rin sila nagsisisi o nagbabago ng landas—ibig sabihin, nagtatalo sila at minumura nila ang isa’t isa kapag nagkikita sila, hindi nakikinig sa payo ng sinuman, at hindi nila tinatanggap kapag may sinumang nakikipagbahaginan sa kanila sa katotohanan o nagpupungos sa kanila—ano ang dapat gawin? Madali lang itong pangasiwaan: Dapat silang alisin. Hindi ba’t malulutas niyon ang problema? Hindi ba’t madali iyon? Kailangan pa bang patuloy na makipagbahaginan sa kanila? Kailangan pa bang tulungan sila nang may pagmamahal? Sabihin ninyo sa Akin, naaangkop bang mapagmahal na magpakita ng pagpaparaya at pagtitimpi sa mga gayong tao? (Hindi ito naaangkop.) Bakit hindi ito naaangkop? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan—walang silbi ang pakikipagbahaginan sa kanila.) Tama, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Lumalahok lang sila sa mga pagtitipon para makipagbangayan. Hindi sila nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan, at mahilig lang silang makipagbangayan. Isa ba itong pagbubunyag at pagpapamalas ng normal na pagkatao? Mayroon ba sila ng pagkamakatwiran na dapat taglayin ng normal na pagkatao? (Wala.) Wala sila ng pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Sa mga pagtitipon, hindi nagbabasa ang mga ganitong tao ng mga salita ng Diyos nang tutok at maayos para maunawaan at matamo nila ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, at nang sa gayon ay malutas ang mga tiwaling disposisyon at problema nila. Sa halip, palagi nilang gustong lutasin ang mga problema ng ibang tao. Palagi silang nakatutok sa iba, naghahanap ng mga kapintasan sa mga ito; ang pakay nila palagi ay hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga problema ng ibang tao. Ginagamit nila ang pagkakataong magbasa at makipagbahaginan ng mga salita ng Diyos para ilantad at batikusin ang iba, at ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para husgahan, maliitin, at kondenahin ang iba. Pero inilalagay nila ang kanilang sarili na hiwalay sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng tao sila? Ang mga ito ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.) Partikular silang mahusay at masigasig sa isang bagay: Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, madalas nilang tinutukoy sa iba ang iba’t ibang problema, kalagayan, at pagpapamalas na inilalantad ng Kanyang mga salita. Habang mas natutukoy nila ang mga problemang ito, mas nararamdaman nilang nagpapasan sila ng malaking responsabilidad at naniniwala silang marami silang magagawa, iniisip na dapat nilang ilantad ang mga isyung ito. Hindi nila palalampasin ang kahit isang tao na may mga ganitong isyu. Anong uri ng tao sila? May katwiran ba ang mga gayong tao? May kakayahan ba silang maarok ang katotohanan? (Wala.) Sa iglesia, kung ang mga gayong tao ay hindi nagsasalita o nagdudulot ng mga panggugulo, hindi na kailangang pangasiwaan sila. Gayumpaman, kung palagi silang kumikilos sa ganitong paraan, palaging binabatikos, hinuhusgahan, at kinokondena ang iba, dapat gumawa ng nararapat na hakbang ang iglesia para pangasiwaan sila, alisin sila. Para naman sa mga taong inilantad ng mga tao, at pagkatapos ay binabatikos, hinuhusgahan, at kinokondena nila gamit ang mga parehong pamamaraan at diskarte, kung malubha ang mga kalagayan at ginambala at ginulo nila ang buhay iglesia, dapat din silang alisin at ihiwalay mula sa hinirang na mga tao ng Diyos—hindi dapat maging maluwag sa kanila.

Ano pang ibang mga pagpapamalas ng pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ang maituturing na may kalikasan ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia para sa kanila? Ang paglalantad ng mga kakulangan ng isa’t isa, at paglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng isa’t isa para magbulalas ng personal na galit at gantihan ang isa’t isa, ay malilinaw na pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Bukod sa dalawang pagpapamalas na ito, mayroon ding pagpapanggap na maging bukas at ilantad at himayin ang sarili para sadyang ilantad at himayin ang iba—ang ganitong uri ng pambabatikos ay isa ring pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Kung gayon, isang pambabatikos ba ang isang bagay na sinasabi ng isang tao basta hindi ito tungkol sa sarili niyang mga isyu kundi tungkol sa mga isyu ng ibang tao, sinabi man ito nang tuwiran o pinahaging lang nang hindi diretsahan, sa isang maingat na paraan? (Hindi.) Kung gayon, anong mga sitwasyon ang maituturing na mga pambabatikos? Depende ito sa layunin at layon sa likod ng sinasabi. Kung ang isang bagay ay sinabi para atakihin at gantihan ang mga tao, o para magbulalas ng personal na galit, isa itong pambabatikos. Isang sitwasyon ito. Bukod dito, ang pagpapalaki sa mga panlabas na aspekto ng isang problema para husgahan at kondenahin ang mga tao nang taliwas sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, iresponsableng bumubuo ng mga kongklusyon nang hindi man lang sinusuri ang diwa ng isyu—ito rin ay pagbubulalas ng personal na galit at paghihiganti, ito ay paghusga at pagkondena, at ang ganitong uri ng sitwasyon ay maituturing din na isang pambabatikos. Ano pa? (Ang paggawa ng mga tsismis tungkol sa mga tao nang walang batayan, kasama ba iyon?) Tiyak na kabilang din ang paggawa ng mga tsismis na walang batayan, at mas matindi nga iyon. Ilang sitwasyon ang maituturing na pambabatikos? (Tatlo.) Ibuod ang mga sitwasyong ito. (Ang una ay ang pag-atake sa iba nang may partikular na layon. Ang pangalawa ay ang paghusga at pagkondena sa iba sa paraang taliwas sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, na basta-bastang paglalarawan sa ibang tao sa iresponsableng paraan. Ang pangatlo ay ang paggawa ng mga tsismis tungkol sa mga tao nang walang batayan.) Ang kalikasan ng bawat isa sa tatlong sitwasyong ito ay maituturing na mga personal na pambabatikos. Paano natin matutukoy kung aling mga sitwasyon ang maituturing na mga personal na pambabatikos at kung alin ang hindi? Pagdating sa mga gumagawa ng pambabatikos, anong mga kilos o salita ang maituturing na pambabatikos? Ipagpalagay nang ang mga salita ng isang tao ay may kaunting kalikasan na nakakahikayat sa iba, at may kakayahang makaligaw sa iba, at may katangian din ito ng paglikha ng tsismis. Ang taong iyon ay gumagawa ng isang bagay mula sa wala at nag-iimbento ng mga tsismis at kasinungalingan para ilihis at iligaw ang mga tao. Ang intensyon at layon niya ay ang kumbinsihin ang mas maraming tao na kilalanin at paniwalaan na tama ang kanyang sinasabi, at sumang-ayon na naaayon sa katotohanan ang kanyang sinasabi. Kasabay nito, gusto rin niyang maghiganti sa ibang tao, para maging negatibo at manghina ang taong iyon. Iniisip niya, “Ubod ng sama ang karakter mo—kailangan kong ilantad ang aktuwal mong sitwasyon, at yurakan iyang kayabangan mo, at tingnan natin kung ano pa ang maipapangalandakan at maipagmamalaki mo! Paano ko magagawang mamukod-tangi sa tabi mo? Hindi maiibsan ang pagkamuhi ko hangga’t hindi ka nasasadlak sa pagkanegatibo at hangga’t hindi kita napapabagsak. Ipapakita ko sa lahat na maaari kang maging negatibo at na may mga kahinaan ka rin!” Kung ito ang kanilang layon, maituturing na pambabatikos ang mga salita nila. Pero kung ang kanilang layunin ay linawin lang ang mga katunayan at kung ano ang totoo tungkol sa isang usapin—matapos magkamit ng tumpak na kabatiran dito at matuklasan ang diwa ng isyu sa pamamagitan ng isang panahon ng karanasan, nararamdaman nilang dapat pagbahaginan ito para maunawaan ito ng karamihan at malaman nila kung ano ang dalisay na uri ng pagkaarok sa usaping ito, ibig sabihin, ang layon nila ay itama ang mga baluktot o makaisang panig na pananaw ng mga tao sa usaping ito—isa ba itong pambabatikos? (Hindi.) Hindi nila pinipilit ang isang tao na tanggapin ang personal nilang opinyon, at lalong hindi sila nagkikimkim ng anumang layunin ng personal na paghihiganti. Sa halip, gusto lang nilang linawin ang katotohanan ng mga katunayan; gumagamit sila ng pagmamahal para tulungan ang kabilang panig na makaunawa, at para maiwasan ng mga ito na maligaw sa pamamagitan ng pagkaunawang ito. Tinatanggap man ito ng kabilang panig o hindi, nagagawa nilang tuparin ang responsabilidad nila. Kaya ang asal na ito, ang pamamaraang ito, ay hindi isang pambabatikos. Sa pamamagitan ng wika, pagpili ng mga salita, at paraan, tono, at saloobin ng pagsasalita sa dalawang magkaibang pagpapamalas na ito, malalaman ng isang tao kung ano ang layunin at layon ng taong iyon. Kung layon ng isang tao na batikusin ang kabilang panig, tiyak na magiging matalas ang wika niya, at magiging halata ang layunin at layon niya sa kanyang tono ng pagsasalita, intonasyon, pagpili ng mga salita, at saloobin. Kung hindi niya pinipilit ang kabilang panig na tanggapin ang kanyang sinasabi, at tiyak na hindi niya ito binabatikos, tiyak na tutugma ang pananalita niya sa mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dagdag pa rito, ang kanyang saloobin sa pagsasalita, tono, at pagpili ng mga salita ay tiyak na magiging makatwiran, nakapaloob sa saklaw ng normal na pagkatao.

Matapos pagbahaginan ang mga prinsipyo sa pagtukoy kung ano ang maituturing na personal na pambabatikos at kung ano ang hindi, kaya na ba ninyong kilatisin ito ngayon? Kung hindi pa rin ninyo ito makilatis, hindi ninyo makikilatis ang diwa ng isyu. Gaano man kaganda pakinggan ang pakikipagbahaginan ng isang tao, kung hindi siya nagsasagawa ayon sa mga prinsipyo, kung hindi niya nilalayong tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magawa nang maayos ang mga tungkulin nila, bagkus ay naghahanap siya ng mga bagay na magagamit laban sa mga tao para walang tigil na ligaligin ang mga ito, ginagawa ang lahat ng makakaya niya para husgahan at kondenahin ang mga ito—at kahit na mukhang kinikilatis niya ang mga tao sa panlabas—ang totoo, ang pakay at layon niya ay kondenahin at batikusin ang iba, kung gayon, ang sitwasyong ito ay kinasasangkutan ng isang personal na pambabatikos. Ang maliliit na bagay na nangyayari sa pagitan ng mga tao ay napakasimple at napakalinaw; kung pagbabahaginan ang katotohanan tungkol sa mga usaping ito, hindi ito tatagal nang mas mahaba pa sa isang pagtitipon. Kung gayon, kailangan bang ubusin ang oras ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagsasalita nang mahaba tungkol sa mga ito sa bawat pagtitipon? Hindi ito kailangan. Kung palaging nililigalig ng mga tao ang iba nang wlang tigil, maituturing iyon na pambabatikos sa mga tao at pagdulot ng mga panggugulo. Bakit kumakapit ang mga tao sa isang usapin at walang tigil na nagsasalita tungkol dito? Dahil walang handang bitiwan ang sarili nilang mga layon at pakay, walang nagtatangkang kilalanin ang sarili nila, at walang tumatanggap sa katotohanan, o sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, kaya walang tigil nilang nililigalig ang iba. Ano ang kalikasan ng walang tigil na panliligalig sa iba? Isa itong pambabatikos. Ito ay paghahanap ng mga bagay na magagamit laban sa iba, paghahanap ng mali sa mga salitang ginagamit ng ibang tao, at paggamit ng mga kakulangan ng iba laban sa mga ito, walang tigil na pagtuon sa isang bagay lang at pakikipagtalo hanggang sa mamula na ang mukha. Kung ang mga tao ay nakikipagbahaginan mula sa loob ng normal na pagkatao, sinusuportahan at tinutulungan ang isa’t isa—ibig sabihin, tinutupad ang responsabilidad nila—magiging mas lalong maayos ang ugnayan nila. Pero kung binabatikos nila ang isa’t isa at nagtatalo sila, nasasangkot sa isa’t isa para lang mailinaw ang mga sariling pangangatwiran nila, palaging gustong makalamang, ayaw tumanggap ng pagkatalo at hindi nakikipagkompromiso, hindi binibitawan ang mga personal na hinanakit, sa huli ay mas tataas ang tensiyon sa ugnayan nila at lalong mas lalala; hindi ito magiging normal na ugnayan, at maaaring umabot pa sa puntong mamumula ang kanilang mga mata sa tuwing magkikita sila. Pag-isipan ninyo ito, kapag nag-aaway ang mga aso, namumula ang mga mata ng asong mabangis. Ano ang ibig sabihin ng pamumula ng mga mata? Hindi ba’t puno ito ng pagkamuhi? Hindi ba’t katulad ito ng pambabatikos ng mga tao sa isa’t isa? Kung, kapag pinagbabahaginan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila binabatikos ang isa’t isa, kundi nagagawa nilang punan ang mga kakulangan ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagsandal sa mga kalakasan ng isa’t isa, at pagsuporta sa isa’t isa, posible bang maging masama ang ugnayan nila? Tiyak na magiging mas normal ang ugnayan nila. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap, naghuhuntahan, nagbabahaginan, o nagdedebate pa nga sa loob ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, magiging normal ang ugnayan nila, at hindi sila magagalit o magsisimulang mag-away sa sandaling magkita sila. Kung umuusbong ang pagkamuhi at ang hindi maipaliwanag na poot sa mga tao kahit hindi sila nagkikita, dahil lang nabanggit ang kabilang panig, hindi ito pagpapamalas ng katwiran at konsensiya ng normal na pagkatao. Binabatikos ng mga tao ang isa’t isa dahil may mga tiwaling disposisyon sila; ganap itong walang kinalaman sa kapaligiran nila. Lahat ng ito ay dahil hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan, hindi nila matanggap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan o pinapangasiwaan ang mga usapin batay sa mga prinsipyo kapag may mga alitan, dahil dito, karaniwan na mangyari sa buhay iglesia ang mga kaso ng paglalantad ng mga kakulangan, paghusga sa isa’t isa, at maging ang mga pambabatikos at pagkondena sa isa’t isa sa buhay iglesia. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang nasa kalagayan ng kawalan ng katwiran, at namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyon nila, at kahit nauunawaan nila ang ilang katotohanan, mahirap para sa kanila na isagawa ito, madaling lumilitaw sa kanila ang mga alitan at iba’t ibang uri ng pambabatikos sa pagitan nila. Kung paminsan-minsang nangyayari ang mga pambabatikos na ito, pansamantala lang ang epekto ng mga ito sa buhay iglesia, pero iyong mga palaging may tendensiyang mambatikos sa isa’t isa ay nagdudulot ng malulubhang paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at lubha ring nakakaapekto at nakakahadlang ang mga ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.

3. Mga Pagbabangayan

Sa iglesia, may isa pang uri ng tao—ang ganitong uri ng tao ay partikular na mahilig na pangatwiranan ang sarili niya. Halimbawa, kung may nagawa o nasabi siyang mali, natatakot siyang magkaroon ng hindi magandang opinyon ang iba tungkol sa kanya, at na makakaapekto ito sa imahe niya sa mga mata ng karamihan, kaya pinapangatwiranan niya ang kanyang sarili at ipinapaliwanag ang usapin sa mga pagtitipon. Ang layon niya sa pagpapaliwanag nito ay para maiwasan ang pagkakaroon ng mga tao ng hindi magandang opinyon tungkol sa kanya, kaya pinagsusumikapan at pinag-iisipan niya ito nang husto, nagninilay-nilay siya buong araw: “Paano ko lilinawin ang usaping ito? Paano ko ito maipapaliwanag nang malinaw sa taong iyon? Paano ko mapapabulaanan ang hindi magagandang opinyong nabuo nila tungkol sa akin? Ang pagtitipon ngayong araw ay isang magandang pagkakataon para pag-usapan ang usaping ito.” Sa pagtitipon, sinasabi niya: “Ang bagay na ginawa ko noong nakaraan ay hindi para saktan o ilantad ang sinuman; mabuti ang layunin ko, ito ay para tulungan ang mga tao. Pero ang ilang tao ay palaging nagkakamali ng pagkaunawa sa akin, palagi akong gustong puntiryahin, at palaging iniisip na sakim at ambisyoso ako, at na masama ang pagkatao ko. Pero ang totoo, hindi naman talaga ako ganoon, hindi ba? Hindi ko ginawa o sinabi ang mga ganoong uri ng bagay. Kapag nagsasalita ako tungkol sa isang tao kapag wala siya, hindi ko naman sadyang lumilikha ng problema para sa kanya. Kapag nakagagawa ng masasamang bagay ang mga tao, paanong hindi nila tutulutan ang ibang tao na pag-usapan ito?” Marami siyang sinasabi, kapwa pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang kanyang sarili, habang inilalantad din ang marami-raming isyu ng kabilang panig, ginagawa niya ang lahat ng ito para mailayo ang kanyang sarili sa usapin, para mapapaniwala ang lahat na hindi isang tiwaling disposisyon ang ibinunyag niya, at na wala siyang masamang pagkatao o pag-ayaw sa katotohanan, at lalong wala siyang mapaminsalang intensiyon, at sa halip ay isipin ng mga ito na mabuti ang layunin niya, na madalas na nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa mabubuting layunin niya, at na madalas siyang kinokondena dahil sa mga maling pagkaunawa ng iba. Kapwa sa hayagan at di-hayagang paraan, pinaparamdam ng mga salita niya sa mga tagapakinig na inosente siya, at na ang mga taong nag-isip na mali at masama siya ang siyang masasama at mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Pagkarinig nito, nauunawaan ng kabilang panig: “Hindi ba’t ang punto ng mga salita mo ay ang sabihing wala kang tiwaling disposisyon? Hindi ba’t ito ay para lang magmukha kang mabuti? Hindi ba’t ito ay sadyang hindi pagkakilala sa sarili, hindi pagtanggap sa katotohanan, hindi pagtanggap sa mga katunayan? Kung hindi mo tinatanggap ang mga bagay na ito, sige lang, pero bakit mo ako pinupuntirya? Hindi ko intensiyon na puntiryahin ka, ni hindi ko ginustong atakihin ka. Maaari mong isipin anuman ang gusto mong isipin; ano naman ang kinalaman nito sa akin?” At kaya hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili, at sinasabi niya: “Kapag ang ilang tao ay nakakaranas ng maliit na isyu, nagdurusa ng kaunting di-patas na pagtrato o pasakit, ayaw na nila itong tanggapin, at gusto nilang pangatwiranan at ipaliwanag ang kanilang sarili; palagi nilang sinusubukang ilayo ang sarili nila sa isyu, palagi nilang gusto na magmukha silang mabuti, na pakintabin ang imahe nila. Hindi naman sila ganoong uri ng tao, kaya bakit nila sinusubukang magmukhang mabuti, na magmukha silang perpekto? Bukod pa rito, nakikipagbahaginan ako sa katotohanan, hindi ko pinupuntirya ang sinuman, ni hindi ko iniisip na atakihin o gantihan ang sinuman. Isipin na ng mga tao ang gusto nilang isipin!” Nagbabahaginan ba sa katotohanan ang dalawang taong ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ginagawa nila? Sinasabi ng isang panig: “Ginawa ko ang mga bagay na iyon para sa gawain ng iglesia. Wala akong pakialam kung ano ang iniisip mo.” Sinasabi naman ng kabilang panig: “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit. Alam ng Diyos ang mga iniisip ng mga tao. Huwag mong isipin na dahil lang mayroon kang kabutihan, kakayahan, at husay sa pagsasalita, at hindi ka gumagawa ng masasamang bagay ay hindi ka na sisiyasatin ng Diyos; huwag mong isipin na kung malalim mong itinatago ang mga iniisip mo ay hindi na makikita ng Diyos ang mga ito. Nakikita ng lahat ng kapatid ang mga ito—lalo na ng Diyos! Hindi mo ba alam na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao?” Ano ang pinagtatalunan nilang dalawang? Ang isang panig ay nagsusumikap nang husto na pangatwiranan ang kanyang sarili, na linisin ang kanyang sarili, ayaw niyang magkaroon ng masamang impresyon ang iba tungkol sa kanya, samantalang ang kabilang panig ay nagpupumilit na huwag itong bitiwan, hindi tinutulutan ang taong iyon na magmukhang mabuti, at kasabay nito ay pakay niyang ilantad at kondenahin ito sa pamamagitan ng mga paninita. Sa panlabas, hindi direktang mimumura at inilalantad ng dalawang taong ito ang isa’t isa, pero may layon ang pananalita nila: Ang isang panig ay sinusubukang maiwasan na magkamali ng pagkaunawa sa kanya ang kabilang panig, at iginigiit na linisin nito ang pangalan niya, habang tumatanggi naman ang kabilang panig, at sa halip ay pilit siyang binabansagan at kinokondena, hinihingi ang pagkilala ng kabilang panig. Ang pag-uusap bang ito ay isang normal na pagbabahaginan sa katotohanan? (Hindi.) Isa ba itong pag-uusap na batay sa konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng ganitong uri ng pag-uusap? Pambabatikos ba sa isa’t isa ang ganitong uri ng pag-uusap? (Oo.) Ang panig ba na pinapangatwiranan ang kanyang sarili ay nakikipagbahaginan tungkol sa kung paano niya matatanggap ang mga bagay mula sa Diyos, makikila ang sarili niya, at mahahanap ang mga prinsipyong dapat isagawa. Hindi, pinapangatwiranan niya ang kanyang sarili sa ibang tao. Gusto niyang linawin ang kanyang mga iniisip, pananaw, layunin, at layon sa iba, na ipaliwanag ang kanyang sarili sa kabilang panig, at hikayatin ang kabilang panig na linisin ang pangalan niya. Higit pa rito, gusto niyang itanggi ang paglalantad at pagkondena sa kanya ng kabilang panig, at naaayon man sa mga katunayan o sa katotohanan ang sinasabi ng kabilang panig, hangga’t hindi niya ito kinikilala, o ayaw niya itong tanggapin, itinuturing niyang mali ang sinasabi ng kabilang panig, at gusto niyang itama ito. Samantala, ayaw linisin ng kabilang panig ang pangalan niya at sa halip ay inilalantad siya, pinipilit siyang tanggapin ang pagkondena nito. Ang isang panig ay ayaw tumanggap, at ang kabilang pinig ay pilit siyang pinatatanggap, na humahantong sa mga pambabatikos sa isa’t isa. Ang kalikasan ng ganitong uri ng dayalogo ay pambabatikos sa isa’t isa. Kaya, ano ang kalikasan ng ganitong uri ng pambabatikos? Nailalarawan ba ang pag-uusap na ito ng pagtanggi sa isa’t isa, pagrereklamo sa isa’t isa, at pagkondena sa isa’t isa? (Oo.) Nangyayari din ba ang ganitong anyo ng dayalogo sa buhay iglesia? (Oo.) Ang mga ganitong uri pag-uusap ay pawang mga pagbabangayan.

Bakit tinatawag na mga pagbabangayan ang mga ganitong uri ng dayalogo? (Dahil ang mga taong sangkot ay nagtatalo tungkol sa tama at mali, walang nagtatangkang kilalanin ang kanilang sarili, at walang may nakakamit na anuman; patuloy lang silang napapako sa usapin, at walang kabuluhan ang mga dayalogo.) Salita lang sila nang salita at nagsasayang lang ng laway sa pagtatalo sa kung sino ang tama o mali, kung sino ang mas mataas o mas mababa. Walang tigil silang nagtatalo nang wala namang nananalo kahit kailan, at pagkatapos ay patuloy silang nagtatalo. Ano ang nakakamit nila rito sa huli? Ito ba ay pagkaunawa sa katotohanan, pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos? Ito ba ay ang kakayahang magsisi at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Ito ba ay ang kakayahang tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos at higit na makilala ang kanilang sarili? Hindi nila nakakamit ang anuman sa mga bagay na ito. Ang mga walang kabuluhang alitang ito at ang mga dayalogong ito tungkol sa tama at mali ay mga pagbabangayan. Sa madaling salita, ang mga pagbabangayan ay ganap na mga walang kabuluhang pag-uusap, kung saan ang lahat ng sinasabi ay walang saysay, wala ni isang salita ang nakapagpapatibay o kapaki-pakinabang sa iba, sa halip, ang mga salitang binibitawan ay pawang nakakasakit, at nagmumula sa kalooban ng tao, sa init ng ulo, sa isip ng mga tao, at siyempre, higit na nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang bawat salitang binibitiwan ay para sa kapakanan ng mga interes, imahe, at reputasyon ng isang tao, hindi para sa pagpapatibay o pagtulong sa iba, hindi para sa sariling pagkaunawa ng isang tao sa isang aspekto ng katotohanan o para sa pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, at siyempre, hindi para sa pagtalakay kung alin sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ang nalalantad sa mga salita ng Diyos, kung tumutugma man ang mga tiwaling disposisyon nila sa mga salita ng Diyos, o kung tama man ang pagkaunawa niya. Kahit gaano kaaya-aya, kasinsero, o kataimtim pakinggan itong mga walang kabuluhang pangangatwiran sa sarili at mga paliwanag, ang mga ito ay pawang mga pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa at paghusga, na hindi nakabubuti sa iba o sa sarili ng isang tao. Hindi lang nakakapinsala ang mga ito sa iba at nakakaapekto sa normal na ugnayan sa ng isang tao sa ibang tao, hinahadlangan din ng mga ito ang sariling paglago sa buhay ng isang tao. Sa madaling salita, anuman ang mga palusot, layunin, saloobin, tono, o mga pamamaraan at teknik na ginamit, hangga’t nasasangkot ang basta-bastang paghusga at pagkondena sa iba, kung gayon, ang mga salita, pamamaraang ito, at iba pa ay pawang saklaw ng kategorya ng pambabatikos sa iba, lahat ng ito ay mga pagbabangayan. Malawak ba ang saklaw na ito? (Medyo malawak ito.) Kaya, kapag nakakaranas kayo ng mga pambabatikos, paghusga, at pagkondena ng mga tao, kaya ba ninyong umiwas sa mga pag-uugali ng pambabatikos at pagkondena sa iba? Paano kayo dapat magsagawa kapag nararanasan ninyo ang mga ganitong uri ng sitwasyon? (Dapat tayong tumahimik sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin; sa gayon ay mawawala na ang pagkamuhi sa puso natin.) Hangga’t maunawain at makatwiran ang isang tao, hangga’t kaya niyang tumahimik sa harap ng Diyos at magdasal sa Kanya, at tanggapin ang katotohanan, kaya niyang kontrolin ang mga layunin at pagnanais niya, at maaari na silang umabot sa puntong hindi na nila hinuhusgahan o binabatikos ang iba. Hangga’t ang layunin at layon ng isang tao ay hindi para magbulalas ng personal na galit o maghiganti, at lalong hindi para batikusin ang kabilang panig, at sa halip ay nasasaktan niya ang kabilang panig nang hindi sinasadya dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan o masyadong mababaw ang pagkaunawa niya rito, o dahil medyo hangal at mangmang o sutil siya, sa pamamagitan ng tulong, suporta, at pakikipagbahaginan mula sa iba, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, magiging mas tumpak ang pananalita niya, gayundin ang mga pagsusuri at pananaw niya sa iba, at magagawa niyang tratuhin nang tama ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ng ibang tao at ang mga maling pagkilos ng mga ito, kaya unti-unting nababawasan ang mga pambabatikos at paghusga niya sa iba. Gayumpaman, kung ang isang tao ay palaging namumuhay sa loob ng kanyang mga tiwaling disposisyon, naghahanap ng mga pagkakataon para maghiganti sa sinumang hindi niya gusto o nakapagpasama ng loob niya o nakapinsala sa kanya noon, palaging nagkikimkim ng mga gayong layunin, at hindi talaga naghahanap sa katotohanan o nagdarasal o umaasa sa Diyos, kaya niyang batikusin ang iba sa anumang oras at saanmang lugar, at mahirap itong lutasin. Ang hindi sadyang pambabatikos sa iba ay madaling lutasin, pero ang sadya at intensiyonal na pambabatikos ay hindi. Kung paminsan-minsang hindi sadyang binabatikos at hinuhusgahan ng isang tao ang iba, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan ng mga tao para suportahan at tulungan siya, magagawa niyang baguhin ang landas niya sa kapag naunawaan na niya ang katotohanan. Gayumpaman, kung ang isang tao ay palaging naghahangad na maghiganti at magbulalas ng personal na galit, palaging gustong pahirapan o pabagsakin ang iba, at binabatikos niya ang iba nang may mga gayong layunin—na maaaring maramdaman at makita ng lahat ng tao—ang gayong pag-uugali ay nagiging paggambala at panggugulo sa buhay iglesia; ganap itong bumubuo sa isang sadyang paggambala at panggugulo. Samakatwid, ang pagkakaroon ng disposisyong ito na bumabatikos sa iba ay mahirap baguhin.

Ngayon, nauunawaan na ba ninyo kung paano dapat lutasin ang isyu ng pambabatikos at pagkondena sa iba? May isang paraan lang—dapat magdasal at umasa sa Diyos ang isang tao, at unti-unting mawawala ang pagkamuhi niya. May dalawang pangunahing uri ng tao na maaaring bumatikos sa iba. Ang isang uri ay ang mga taong nagsasalita nang hindi nag-iisip, na prangka at diretsahan, at maaaring makapagsabi ng mga nakakasakit na bagay kapag may tao silang hindi nagugustuhan. Gayumpaman, kadalasan ay hindi nila intensiyon o sinasadyang batikusin ang mga tao—hindi lang nila mapigilan ang sarili nila, ganito lang talaga ang disposisyon nila, at hindi sinasadyang nababatikos nila ang ibang tao. Kung pupungusan sila, kaya nila itong tanggapin, at kaya hindi masasamang tao ang mga ito, at hindi sila ang mga puntirya para sa pagpapaalis. Pero hindi tinatanggap ng masasamang tao ang pagpupungos, at madalas silang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, madalas nilang binabatikos, hinuhusgahan, inaatake, at ginagantihan ang iba, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Sila ay masasamang tao, at sila ang kailangang tugunan at alisin ng iglesia. Bakit kailangan silang tugunan at alisin? Batay sa kanilang kalikasang diwa, ang pag-uugali nila ng pambabatikos sa iba ay hindi di-sinasadya, kundi sinasadya. Ito ay dahil may mapaminsalang pagkatao ang mga ganitong tao—walang sinuman ang maaaring makapagpasama ng loob nila o pumuna sa kanila, at kung may magsabi ng isang bagay na aksidenteng nakasakit sa kanila nang kaunti, mag-iisip sila ng mga pagkakataon para makapaghiganti—dahil dito, ang mga gayong tao ay may kakayahang bumuo ng mga pambabatikos laban sa iba. Isang uri ng tao ito na kailangang tugunan at alisin ng iglesia. Ang sinumang nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa—anuman ang panig niya, aktibo o pasibo man siyang nambabatikos—basta’t nakikilahok siya sa mga ganitong uri ng mga pambabatikos, isa siyang masamang tao na may masasamang layunin, na magpapahirap sa iba sa sandaling makaramdam siya ng kaunting pagkadismaya. Nagdudulot ng malulubhang paggambala at panggugulo sa buhay iglesia ang mga gayong tao. Isa silang uri ng masamang tao sa loob ng iglesia. Ang hindi masyadong malulubhang kaso ay maaaring pangasiwaan sa pamamagitan ng paghihiwalay sa naturang tao para magnilay-nilay ito; sa mas malulubhang kaso, kailangang alisin o patalsikin ang naturang tao. Ito ang prinsipyong kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa pagdating sa pangangasiwa sa usaping ito.

Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang ibig sabihin ng pambabatikos sa iba? Kaya na ba ninyong makilatis ito? Matapos Kong tukuyin kung ano ang pambabatikos, iniisip ng ilang tao, “Napakalawak ng depinisyon ng pambabatikos sa iba, sino pa ang maglalakas-loob na magsalita sa hinaharap? Wala sa ating mga tao ang nakakaunawa sa katotohanan, kaya ang pagbubuka lang ng bibig natin ay maaari nang mauwi sa pambabatikos sa iba, na kahindik-hindik! Sa hinaharap, dapat na lang tayong kumain ng pagkain at uminom ng tubig at manahimik, isara ang ating bibig at huwag magsalita nang walang ingat mula sa sa sandaling gumising tayo sa umaga para maiwasang mambatikos ng iba. Napakaganda siguro niyon, at magiging mas payapa ang mga araw natin.” Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Ang pagsasara ng bibig ay hindi nakakalutas sa problema; ang diwa ng isyu ng pambabatikos sa iba ay isang problemang nasa puso ng isang tao, bunga ito ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at hindi ito problema sa bibig ng isang tao. Ang sinasabi ng mga tao gamit ang bibig nila ay pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon at iniisip nila. Kung malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at talagang mauunawaan niya ang ilang katotohanan, at nagiging medyo may prinsipyo at maingat ang pananalita niya, bahagyang malulutas ang isyu niya ng pambabatikos sa iba. Siyempre, sa loob ng buhay iglesia, para magkaroon ng mga normal na ugnayan sa isa’t isa ang mga tao, at hindi sila mambatikos o magbangayan sa isa’t isa, kinakailangan nilang madalas na lumapit sa Diyos sa panalangin, humingi ng patnubay ng Diyos, at tumahimik sa harap ng Diyos nang may debotong puso na gutom at uhaw sa katuwiran. Sa ganoong paraan, kapag di-sinasadyang nakapagsabi ang isang tao ng isang bagay na nakakasakit sa iyo, magagawang tumahimik ng puso mo sa harap ng Diyos, hindi sasama ang loob mo sa kanya, at hindi mo gugustuhing makipagtalo sa kabilang panig, lalong hindi mo gugustuhing ipagtanggol at pangatwiranan ang sarili mo. Sa halip, tatanggapin mo ito mula sa Diyos, magpapasalamat ka sa Diyos sa pagbibigay sa iyo ng magandang pagkakataon para makilala ang sarili mo, at magpapasalamat ka sa Kanya para sa pagtutulot sa iyo, sa pamamagitan ng mga salita ng iba, na magkaroon ng kamalayan na may ganito-at-ganyan ka pa ring isyu. Isa itong mabuting pagkakataon para sa iyo na makilala ang sarili mo, biyaya ito ng Diyos, at dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi ka dapat magkimkimin ng sama ng loob sa taong nakasakit sa iyo, ni masuklam o mamuhi sa taong di-sinasadyang nag-ungkat ng mga kapintasan mo o naglantad ng mga kakulangan mo, sinasadya o hindi man sinasadyang iniiwasan siya o gumagamit ng kung ano-anoong paraan para gumanti sa kanya. Hindi nakalulugod sa Diyos ang mga pamamaraang ito. Lumapit sa Diyos para magdasal nang madalas, at kapag kumalma na ang puso mo, magagawa mo na itong tratuhin nang tama kapag napinsala ka ng iba nang hindi sinasadya, magagawa mong magpakita ng pagpaparaya at pagtitimpi sa kanila. Kung sadya kang pinipinsala ng isang tao, ano ang dapat mong gawin? Paano mo ito haharapin—makikipagtalo ka ba sa kanya dahil sa init ng ulo, o tatahimik ka ba sa harap ng Diyos at hahanapin mo ba ang katotohanan? Siyempre, kahit hindi Ko na sabihin, malinaw na sa inyong lahat kung aling paraan ng pagpasok ang tamang piliin.

Napakahirap iwasan ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa sa buhay iglesia kung aasa sa lakas ng tao, pagkontrol sa sarili ng tao, at pagtitimpi ng tao. Kahit gaano kabuti ang pagkatao mo, kahit gaano ka kamahinahon at kabait, o kahit gaano ka kabukas-palad, hindi maiiwasang makakatagpo ka ng mga tao o bagay na nakakasakit sa iyong dignidad, integridad, at iba pa. Dapat may prinsipyo ka sa isipan mo kung paano papangasiwaan at tatratuhin ang mga ganitong uri ng isyu. Kung haharapin mo ang mga isyung ito nang may init ng ulo, napakadali lang nito: Isusumpa ka nila, at isusumpa mo sila; babatikusin ka nila, babatikusin mo sila—mata sa mata, ngipin sa ngipin, gagawin mo sa kanila ang ginagawa nila sa iyo gamit ang mga parehong paraan, at pinoprotektahan mo ang dignidad, integridad, at reputasyon mo. Napakadali nitong makamit. Gayumpaman, dapat mong timbangin sa puso mo kung wasto ba ang pamamaraang ito, kung nakabubuti ba ito sa iyo at sa iba, at kung nakalulugod ba ito sa Diyos. Kadalasan, kapag hindi pa nauunawaan ng mga tao ang diwa ng isyung ito, ang agad nilang naiisip ay, “Hindi siya nagpapakita ng awa sa akin, kaya bakit ako magpapakita ng awa sa kanya? Hindi siya nagpapakita ng pagmamahal sa akin, kaya bakit ko siya tatratuhin nang may pagmamahal? Wala siyang pagtitimpi sa akin at hindi niya ako tinutulungan, kaya bakit ako magtitimpi sa kanya o tutulong sa kanya? Hindi siya mabait sa akin, kaya gagawan ko siya ng masama. Bakit hindi ko pwedeng kuhain ang mata para sa mata, ngipin para sa ngipin?” Ito ang mga unang naiisip ng mga tao. Pero kapag talagang kumilos ka sa gayong paraan, payapa ba ang loob mo o hindi ka mapakali at nasasaktan ka? Kapag talagang pinili mo ito, ano ang nakakamit mo? Ano ang natatamo mo? Maraming tao ang nakaranas na kapag talagang kumikilos sila sa ganitong paraan, nababagabag ang kalooban nila. Siyempre, para sa karamihan ng tao, hindi ito usapin ng pagiging nakokonsensiya, lalong hindi ito pagkabagabag na dulot ng damdamin na may pagkakautang sila sa Diyos; walang gayong tayog ang mga tao. Ano ang sanhi ng pagkabagabag nilang ito? Nagmumula ito sa pagkamuhi ng mga tao, sa hamon sa kanilang dignidad at integridad kapag iniinsulto sila, gayundin sa sakit na nararamdaman nila at sa pagsiklab ng galit, pagkamuhi, pagtutol, at sama ng loob na umuusbong sa puso nila kapag ginagalit sila nang pasalita, ang lahat ng ito ay nagiging sanhi ng pagkabagabag ng mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkabagabag na ito? Agad-agad pagkatapos na maramdaman ito, magsisimula kang magbulay-bulay kung paano gagamitin ang wika para pangasiwaan ang taong iyon, kung paano gumamit ng legal at makatwirang paraan para pabagsakin siya, para ipakita sa kanya na mayroon kang dignidad at integridad at na hindi ka madaling apihin. Kapag nababagabag ka, kapag nagluluwal ka ng pagkamuhi, ang iniisip mo ay hindi ang pagtitimpi at pagpaparaya sa taong iyon, o ang tamang pagtrato sa kanya, o iba pang mga positibong bagay, kundi ang lahat ng negatibong bagay, tulad ng pagseselos, pagkasuklam, poot, galit, pagkamuhi, at pagkondena, hanggang sa puntong sinusumpa mo na siya nang napakaraming beses sa puso mo, at, anuman ang oras—kahit habang kumakain o natutulog ka—iniisip mo kung paano siya gagantihan, at iniisip mo kung paano mo siya haharapin at kung paano mo pangangasiwaan ang mga gayong sitwasyon kung babatikusin o kokondenahin ka niya, at iba pa. Ginugugol mo ang buong araw sa pag-iisip kung paano pababagsakin ang kabilang panig, kung paano ibubulalas ang sama ng loob at pagkamuhi mo, at kung paano mo mapapasuko at matatakot sa iyo ang kabilang panig, at hindi na siya mangangahas na galitin kang muli. Madalas mo ring iniisip kung paano tuturuan ng leksiyon ang kabilang panig, para malaman niya kung gaano ka kamakapangyarihan. Kapag lumilitaw ang mga gayong kaisipan, at kapag paulit-ulit na naglalaro sa isipan mo ang mga naiisip mong eksena, hindi masukat ang panggugulo at mga kahihinatnan ng mga ito sa iyo. Kapag nahulog ka sa kalagayan ng pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa, ano ang mga kahihinatnan? Madali bang tumahimik sa harap ng Diyos kapag nagkagayon? Hindi ba’t naaantala nito ang buhay pagpasok mo? (Oo.) Ito ang epekto sa isang tao ng pagpili ng maling paraan para pangasiwaan ang mga usapin. Kung pipiliin mo ang tamang landas, kapag may nagsalita sa paraang nakakapinsala sa iyong imahe o pagpapahalaga sa sarili, o nakaiinsulto sa iyong integridad at dignidad, maaari mong piliing maging mapagparaya. Hindi ka makikipagtalo sa kanila gamit ang anumang uri ng wika o sadyang pangangatwiranan ang iyong sarili at pabubulaanan at babatikusin ang kabilang panig, na magbubunga ng pagkamuhi sa sarili mo. Ano ang diwa at kahalagahan ng pagiging mapagparaya? Sinasabi mo, “Ang ilan sa mga bagay na sinabi niya ay hindi umaayon sa mga katunayan, pero ganoon naman ang lahat bago nila naunawaan ang katotohanan at makamit ang kaligtasan, at ganito rin ako dati. Ngayong nauunawaan ko na ang katotohanan, hindi ko tinatahak ang landas ng hindi mananampalataya na pakikipagtalo tungkol sa tama at mali at pakikilahok sa pilosopiya ng pakikipag-away—pinipili ko ang pagpaparaya at pagtrato sa iba nang may pagmamahal. Ang ilan sa mga bagay na sinabi niya ay hindi umaayon sa mga katunayan, pero hindi ko binibigyang-pansin ang mga ito. Tinatanggap ko kung ano ang kaya kong kilalanin at arukin. Tinatanggap ko ito mula sa Diyos at dinadala ito sa harap ng Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na magtakda ng mga sitwasyong nagbubunyag sa aking mga tiwaling disposisyon, na tinutulutan akong malaman ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito at magkaroon ng pagkakataong magsimulang tugunan ang mga isyung ito, unti-unting malampasan ang mga ito, at makapasok sa katotohanang realidad. Tungkol sa kung sino ang nanakit sa akin gamit ang mga salita nila at kung tama man o hindi ang mga bagay na sinasabi niya, o kung ano ang mga layunin niya, sa isang banda, kinikilatis ko ito, at sa kabilang banda, tinitiis ko ang mga ito.” Kung ang taong ito ay isang taong tumatanggap sa katotohanan, maaari kang maupo at taimtim na makipagbahaginan sa kanya nang mapayapa. Kung hindi, kung isa siyang masamang tao, huwag mo siyang bigyang-pansin. Hintayin mong makagampan siya hanggang isang partikular na antas; at nakikilatis na siya ng lahat ng kapatid, at gayon ka na rin, at malapit na siyang paalisin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa—iyon na ang oras kung kailan haharapin siya ng Diyos, at siyempre, matutuwa ka rin. Gayumpaman, ang landas na dapat mong piliin ay hindi talaga ang makipagbangayan sa masasamang tao o makipagtalo sa kanila at subukang pangatwiranan ang sarili mo. Sa halip, ito ay ang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa tuwing may nangyayari. Ito man ay pakikitungo sa mga taong nakapanakit sa iyo o sa mga hindi pa nanakit sa iyo at kapaki-pakinabang sa iyo, pare-pareho dapat ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag pinili mo ang landas na ito, magkakaroon ba ng anumang pagkamuhi sa puso mo? Maaaring magkaroon ng kaunting pagkabagabag. Sino ba ang hindi mababagabag kapag nasaktan ang dignidad nila? Kung may magsasabing hindi siya nababagabag, kasinungalingan iyon, mapanlinlang iyon, pero kaya mong tiisin at pagdusahan ang paghihirap na ito para sa kapakanan ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag pinili mo ang landas na ito, magkakaroon ka ng malinis na konsensiya kapag humarap kang muli sa Diyos. Bakit magiging malinis ang konsensiya mo? Dahil magiging malinaw sa iyo na ang mga salita mo ay hindi nagmumula sa init ng ulo, na hindi ka nakikipag-alitan sa iba hanggang sa mamula ang mukha mo para sa kapakanan ng mga makasarili mong interes, at na, batay sa pundasyon ng pagkaarok sa katotohanan, sinusunod mo sa halip ang daan ng Diyos at tinatahak ang sarili mong landas. Magiging ganap na malinaw sa puso mo na ang landas na pinili mo ay itinuturo ng Diyos, hinihingi ng Diyos, at kaya makakaramdam ka ng labis na kapayapaan sa kalooban mo. Kapag may gayon kang kapayapaan, magugulo ka ba ng pagkamuhi at ng mga personal na sama ng loob sa pagitan mo at ng ibang tao? (Hindi.) Kapag tunay kang bumitiw at kusa mong pinili ang positibong landas, matatahimik at mapapayapa ang puso mo. Hindi ka na magugulo ng sama ng loob, pagkamuhi, at ng mentalidad ng paghihiganti at pagpapakanang nabubuo mula sa pagkamuhing iyon, dagdag pa ang ibang bagay na dahil sa init ng ulo. Ang landas na pinili mo ay magdadala sa iyo ng kapayapaan at tahimik na puso, at hindi ka na magugulo ng mga bagay na iyon na dulot ng init ng ulo. Kapag hindi ka na magugulo ng mga ito, mag-iisip ka pa rin ba ng mga paraan para batikusin ang mga nakasakit sa iyo sa gamit ang kanilang mga salita o makikipagbangayan ka pa ba sa kanila? Hindi na. Siyempre, paminsan-minsan ay lilitaw ang iyong init ng ulo, pagpapadalos-dalos, at sama ng loob dahil sa mababa mong tayog o dahil sa ilang natatanging konteksto. Gayumpaman, ang iyong determinasyon, kapasyahan, at kalooban na isagawa ang katotohanan ang pipigil sa mga bagay na ito na makabagabag sa puso mo. Ibig sabihin, hindi ka magugulo ng mga bagay na ito. Maaaring sumiklab pa rin ang init ng ulo mo, tulad ng pag-iisip, “Palagi niya akong pinapahirapan. Dapat ko siyang pagsabihan balang araw, at tanungin kung bakit palagi niya akong pinupuntirya at pinapahirapan. Dapat ko siyang tanungin kung bakit palagi niya akong minamaliit at iniinsulto.” Maaring minsan ay magkaroon ka ng mga ganitong uri ng isipin. Gayumpaman, pagkatapos na mas mag-isip-isip pa, mapagtatanto mo na mali ang mga ito, at na hindi magiging kalugod-lugod sa Diyos ang pagkilos sa ganoong paraan. Kapag lumilitaw ang mga gayong kaisipan, mabilis kang babalik sa Diyos para ituwid ang kalagayang ito, kaya hindi ka mapapangibabawan ng mga kaisipang ito. Dahil dito, magsisimulang lumitaw sa iyo ang ilang positibong bagay—tulad ng pagkilala sa sarili, gayundin ang ilang kaliwanagan at pagtanglaw na ibinibigay ng Diyos sa iyo, na magbibigay kakayahan sa iyo na makilatis ang mga tao at maunawaan ang mga usapin—at nang hindi mo namamalayan, dahil sa mga positibong bagay na ito, mauunawaan at mapapasok mo ang higit na katotohanang realidad. Sa puntong ito, ang paglaban mo—ibig sabihin, ang mga "antibody" na nagtataboy sa pagkamuhi, mga makasariling pagnanais, at init ng ulo ay mas lalakas nang lalakas, at tataas nang tataas ang tayog mo. Hindi ka na makokontrol ng mga bagay na dulot ng init ng ulo. Kahit paminsan-minsan ay maaaring magkaroon ka ng ilang maling kaisipan, ideya, at bugso ng damdamin, mabilis na mawawala ang mga bagay na ito; masusugpo at mapupuksa ang mga ito ng iyong paglaban at tayog. Sa oras na ito, ang mga positibong bagay, ang realidad ng katotohanan, at ang mga salita ng Diyos ang mangingibabaw sa loob mo. Kapag nangibabaw ang mga positibong bagay na ito, hindi ka na maiimpluwensiyahan ng mga panlabas na tao, pangyayari, o bagay. Lalago ang tayog mo, magiging mas normal ang kalagayan mo, at hindi ka na mamumuhay sa mga tiwaling disposisyon o uusad sa direksiyon ng isang masamang siklo, at sa ganitong paraan, patuloy na lalago ang tayog mo.

Kapag nasa iglesia ka o kasama mo ang isang grupo ng mga tao, nakakabuti kung kaya mong piliin na maging mapagparaya at mapagtimpi at piliin ang tamang landas ng pagsasagawa kapag nakakaranas ka ng mga personal na pambabatikos na nakakapinsala sa dignidad at integridad mo. Maaaring hindi mo makita ang pakinabang na ito, pero kapag naranasan mo ang ganitong uri ng pangyayari, hindi mamamalayang matutuklasan mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao at ang landas na ibinibigay Niya sa kanila ay isang maliwanag na daan at isang tunay at buhay na landas, na binibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na makamit ang katotohanan at maging kapaki-pakinabang sa mga tao, at na ang mga ito ang pinakamakabuluhang landas. Kapag kasama mo ang isang grupo ng mga tao, lalo na kapag nasa buhay iglesia ka, kaya mong mapagtagumpayan ang iba’t ibang tukso at pang-aakit. Kapag mapaminsala kang binabatikos at sinasaktan ng isang tao o sadyang naghahangad na maghiganti at magbulalas ng pagkamuhi nila sa iyo, napakahalaga na magawa mong harapin ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil namumuhi ang Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sinasabi Niya sa mga tao na huwag harapin ang mga bagay na kanilang nararanasan nang mainit ang ulo, kundi ay tumahimik sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at pagkatapos ay unawain kung ano ang tunay na mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Limitado ang pagtitimpi ng tao, pero kapag nauunawaan na ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon ng mga prinsipyo ang pagtitimpi niya, at maaari itong maging udyok at tulong sa taong iyon na maisagawa ang katotohanan. Gayumpaman, kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, mahilig makipagtalo tungkol sa tama at mali at mambatikos ng iba, at may tendensiyang mamuhay sa init ng kanyang ulo, kapag binatikos siya, may tendensiya siyang masangkot sa mga pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa. Nagdudulot ito ng pinsala sa lahat ng sangkot, walang idinudulot na pagpapatibay o tulong sa kahit na sino. Sa tuwing nakikipagbangayan at nambabatikos ang sinuman ang isa’t isa, hapong-hapo sila pagkatapos, pagod na pagod, at nasasaktan ang parehong panig; wala silang nakukuhang anumang katotohanan; wala talaga silang natatamong anumang katotohanan, at sa huli ay wala silang nakakamit. Ang natitira lang ay pagkamuhi at ang layuning maghiganti kapag nagkaroon sila ng pagkakataon. Ito ang masamang kalalabasan na hatid sa mga tao ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa.

Tungkol sa paksa ng mga pambabatikos at pagbabangayan na pinagbahaginan natin, nauunawaan na ba ninyo ngayon ang mga prinsipyo ng pagkilatis? Kaya na ba ninyong mapag-iba kung anong mga sitwasyon ang maituturing na mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa? Ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay madalas na nangyayari sa mga grupo ng mga tao at madalas na naoobserbahan ang mga ito. Ang mga pambabatikos sa isa’t isa ay pangunahing kinabibilangan ng sadyang pagpuntirya sa mga isyu ng isang tao para personal siyang batikusin, husgahan, kondenahin, at isumpa pa nga, nang may pakay na maghiganti, gumanti ng atake, magbulalas ng personal na galit, at iba pa. Ano’t anuman, ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay hindi tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan, ni hindi rin tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan ang mga ito, at tiyak na hindi pagpapamalas ang mga ito ng matiwasay na pagtutulungan. Sa halip, ang mga ito ay pagpapamalas ng paghihiganti at pag-atake sa mga tao bunga ng init ng ulo at tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang layon ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay tiyak na hindi para malinaw na mapagbahaginan ang katotohanan, lalong hindi para maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatalo. Sa halip, ang layon ay para matugunan ang sariling mga tiwaling disposisyon, ambisyon, makasariling pagnanais, at mga kagustuhan ng laman ng isang tao. Malinaw na ang mga pambabatikos sa isa’t isa ay hindi tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan, at tiyak na ang mga ito ay hindi tungkol sa pagtulong o pagtrato sa mga tao nang may pagmamahal; sa halip, ang mga ito ay isa sa mga estratehiya at pamamaraan ni Satanas para pahirapan, paglaruan, at lokohin ang mga tao. Ang mga tao ay namumuhay sa loob ng mga tiwaling disposisyon at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi nila pipiliin na isagawa ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog sa mga gayong bitag at tukso, at mapapasabak sa laban ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Nagtatalo sila hanggang mamula ang mga mukha nila at hindi natatapos ang pagtatalo nila, lahat ng ito ay dahil sa isang salita, parirala, o tingin, ilang taon silang nag-aaway para higitan ang isa’t isa, hanggang sa humantong sa pagkatalo nila pareho, dahil lang sa iisang bagay. Sa sandaling magkita sila, nagtatalo sila nang walang katapusan, at ang ilan ay binabatikos, sinusumpa, at kinokondena pa nga ang isa’t isa sa mga computer chat group. Napakatindi na ng pagkamuhing ito! Hindi sapat ang kanilang murahan sa mga pagtitipon, hindi pa naibsan ang pagkamuhi nila, hindi pa nila nakamit ang mga layon nila, at pagkauwi nila, habang iniisip nila ito, lalo silang nagagalit, at doon ay patuloy nilang isinusumpa ang isa’t isa. Anong uri ng espiritu ito? Karapat-dapat ba itong itaguyod, karapat-dapat ba itong isulong? (Hindi.) Anong uri ng "matapang na espiritu" ito? Isa itong espiritu ng pagiging walang kinakatakutan, isa itong espiritu ng kawalan ng batas, kinahinatnan ito ng pagtiwali ni Satanas sa tao. Siyempre, ang mga gayong pag-uugali at kilos ay nagdudulot ng malalaking panggugulo at kawalan sa buhay pagpasok ng mga indibidwal na ito, at nagdudulot din ang mga ito ng mga panggugulo paggambala sa buhay iglesia. Kaya, kapag nahaharap sa mga ganitong sitwasyon, kung makita ng mga lider at manggagawa na nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ang dalawang tao, at sumusumpa ang mga ito na mag-aaway hanggang sa huli, dapat agad nilang alisin ang mga ito, at hindi nila dapat kunsintihin ang mga ito at lalong hindi nila dapat bigyang layaw ang mga ito. Dapat nilang protektahan ang ibang mga kapatid at panatilihin ang normal na buhay iglesia, tinitiyak na ang bawat pagtitipon ay nagkakamit ng mga resulta, at hindi hayaang maokupa ng mga gayong indibwal ang oras ng mga kapatid na para sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan, na nakakagulo sa normal na buhay iglesia. Kung matutuklasan sa mga pagtitipon na nambabatikos at nagbabangayan sila sa isa’t isa, dapat agad itong patigilin at lutasin. Kung hindi ito malilimitahan, dapat agad na ilantad at himayin ang mga taong ito sa pamamagitan ng isang pagtitipon, at dapat silang alisin. Ang iglesia ay isang lugar para sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, para sa pagsamba sa Diyos; hindi ito lugar para sa pambabatikos sa isa’t isa o pagbabangayan para magbulalas ng personal na galit. Ang sinumang madalas na gumugulo sa buhay iglesia, na nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, ay dapat na alisin. Hindi bukas ang pintuan ng iglesia sa mga gayong tao, hindi nito pinapayagan ang mga panggugulo mula sa mga diyablo o ang presensiya ng masasamang tao—alisin ang mga taong ito, at malulutas ang problema.

Sa iglesia, kung matutuklasan nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ang ilang tao, anuman ang mga palusot at dahilan nila, at anuman ang paksa ng talakayan nila—ito man ay isang bagay na may pakialam ang lahat o wala—basta’t nagdudulot ito ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, dapat lutasin agad ang isyung ito at nang walang pag-aatubili. Kung hindi posibleng pigilan o limitahan ang mga nasasangkot, dapat silang alisin. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon. Ang pangunahing prinsipyo ay hindi ang hikayatin mo ang masamang pag-uugali ng mga taong ito sa pamamagitan ng pagkunsinti o pagbibigay layaw sa kanila, ni hindi rin ang kumilos ka bilang “isang matuwid na opisyal” na humahatol sa kung ano ang tama o mali para sa mga taong ito, kung sino ang wasto at ang hindi wasto, kung sino ang tama at ang hindi tama, malinaw na pinag-iiba kung sino ang tama sa kung sino ang mali, at pagkatapos ay binibigyan ng pantay na kaparusahan ang magkabilang panig, o kaya ay pinaparusahan ang isang panig na tingin mo ay may kasalanan at ginagantimpalaan naman ang kabilang panig—hindi ito ang paraan para lutasin ang problema. Sa pangangasiwa sa usaping ito, hindi mo dapat sukatin ito nang ayon sa batas, lalong hindi mo ito dapat sukatin o husgahan batay sa mga pamantayan ng moralidad, kundi batay sa mga prinsipyo ng gawain sa iglesia. Tungkol sa magkabilang panig na sangkot sa pambabatikos sa isa’t isa, basta’t nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, dapat kilalain ng mga lider at manggagawa ng iglesia na obligasyon nilang pigilan at limitahan ang mga ito, o ihiwalay o paalisin ang mga ito, sa halip na pakinggan nang maigi ang paglalahad ng magkabilang panig tungkol sa nangyari at pag-usapan ang bawat dahilan at palusot, at ang intensiyon, layon, at ugat ng kanilang pambabatikos sa kabilang panig at pakikipagbangayan—hindi nila kailangang alamin ang buong kuwento, sa halip, dapat nilang lutasin ang problema, alisin ang mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at pangasiwaan ang mga nagdulot ng mga ito. Ipagpalagay nang paimbabaw lang na inaayos ng mga lider at manggagawa ang mga bagay-bagay at nagiging nyutral lang sila, pinagkakasundo ang magkabilang panig na nambabatikos sa isa’t isa, tinutulutan silang walang habas na magdulot ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia nang hindi namamagitan o nang hindi ito pinapangasiwaan—patuloy nilang binibigyang layaw ang mga taong ito. Pinagsasabihan at pinapayuhan lang nila ang mga ito sa bawat pagkakataon, at hindi nila magawang lubos na lutasin ang problema. Pabaya sa mga responsabilidad nila ang mga gayong lider at manggagawa. Kung lumitaw sa iglesia ang problema ng mga pambabatikos at pagbabangayan ng mga tao sa isa’t isa, na nagdudulot ng malulubhang panggugulo at pinsala sa buhay iglesia, na magpapausbong sa sama ng loob at pagkasuklam ng karamihan ng tao, dapat mabilis na kumilos ang mga lider at manggagawa, ihiwalay o paalisin ang parehong panig nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paglilinis sa iglesia. Hindi sila dapat kumilos bilang “matutuwid na opisyal” na humahatol sa kaso ng mga sangkot at gumagawa ng mga paghusga tungkol sa mga personal na pagtatalong ito, hindi sila dapat makinig nang mabuti sa mga taong ito na naglilitanya ng mga bulok, mahahabang kalokohan para makita kung sino ang tama at sino ang mali, sino ang wasto at hindi wasto, at pagkatapos husgahan ang mga bagay na ito, hikayatin ang mas maraming tao na magtalakayan at magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, na nagdudulot na mas maraming tao ang magkimkim ng pagkasuklam at pagkapoot sa puso nila. Maaaksaya nito ang oras na dapat sana ay ginagamit ng mga tao para sa pagkain, pag-inom, at pagbabahaginan sa mga salita ng Diyos. Mas higit na pagpapabaya ito sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi wasto ang ganitong prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magsisisi balang araw ang mga panig na nalimitahan, at hindi na nila gagamitin ang oras ng pagtitipon para sa kanilang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa, maaari nang tapusin ang paghihiwalay na ipinataw sa kanila. Kung napaalis sila bilang masasamang tao, at ipinahayag ng isang tao na nagbago at mas mabuti na siya, kailangang makita kung nagpapakita siya ng mga aktuwal na pagpapamalas ng pagsisisi, at kailangan ding alamin ang opinyon ng karamihan tungkol sa usapin. Kahit na tanggapin siyang muli, dapat mahigpit siyang bantayan, at dapat mahigpit na limitahan ang oras niya sa pagsasalita, at kalaunan ay dapat siyang pangasiwaan nang naaangkop batay sa mga pagpapamalas niya. Ang mga ito ang mga prinsipyong dapat unawain at bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia. Siyempre, ang pangangasiwa sa usaping ito ay hindi pwedeng ibatay sa mga subhetibong palagay; dapat na may kalikasan ng pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa mga pambabatikos sa isa’t isa ng parehong panig. Ang mga tao ay hindi dapat pagbawalang magsalita o ihiwalay dahil lang may nasabi ang isa sa kanila na nakasakit sa kabilang panig, at gumanti naman ang kabilang panig ng sarili niyang komento. Ang pangangasiwa sa mga tao sa ganoong paraan ay hindi talaga alinsunod sa mga prinsipyo! Dapat maarok nang wasto ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyo, tiyakin na sumasang-ayon ang karamihan na alinsunod sa mga prinsipyo ang mga ikinikilos nila, sa halip na magwala habang gumagawa ng masasamang bagay o pinapalaki nang husto ang kalubhaan ng isyu. Pagdating sa aspektong ito ng gawain, sa isang banda, dapat matutong kumilatis ang karamihan sa kung ano ang maituturing na pambabatikos, at sa kabilang banda, kailangan ding malaman ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyo na dapat maarok at ang mga responsabilidad na dapat matupad sa paggampan ng gawaing ito.

4. Mga Basta-Bastang Pagkondena sa mga Tao

May isa pang pagpapamalas ng mga pambabatikos sa isa’t isa. Alam ng ilang tao ang ilang espirituwal na termino, at palagi silang gumagamit ng ilang espirituwal na termino sa pananalita nila, tulad ng “diyablo,” “Satanas,” “hindi pagsasagawa sa katotohanan,” “hindi pagmamahal sa katotohanan,” “Pariseo,” at iba pa—ginagamit nila ang mga terminong ito para husgahan ang ilang partikular na tao. Hindi ba’t may kaunting kalikasan ito ng pambabatikos? Noon, may isang taong gustong murahin ang sinumang hindi kumilos nang ayon sa kanyang mga kagustuhan kapag nakikisalamuha siya sa mga kapatid. Pero naisip niya: “Ngayong nananampalataya na ako sa diyos, tila hindi disente ang pagmumura sa mga tao. Pinagmumukha ako nitong hindi umaasal na parang isang banal. Hindi ako pwedeng magmura o gumamit ng masamang wika, pero kung hindi ako magmumura, hind ako mapapakali, hindi ko maiibsan ang pagkamuhi ko—palagi kong gugustuhing murahin ang mga tao. Kung gayon, paano ko sila dapat murahin?” Kaya nag-imbento siya ng bagong termino. Ang sinumang makapagpasama ng loob niya, makasakit sa kanya dahil sa mga kilos nito, o hindi makikinig sa kanya, ay minumura nang ganito: “Masamang diyablo!” “Isa kang masamang diyablo!” “Si ganito-at-ganyan ay isang masamang diyablo!” Nagdagdag siya ng “masama” bago ang salitang “diyablo”—hindi Ko pa talaga narinig ang sinuman na gamitin ang pariralang ito dati. Hindi ba’t bagong-bago ito? Kaswal niyang minumura ang mga kapatid bilang “masasamang diyablo”—sino naman ang magiging komportable pagkarinig niyon? Halimbawa, kung hiniling niya sa isang kapatid na bigyan siya ng isang basong tubig, pero masyadong abala ang kapatid na iyon kaya sinabihan siyang siya na ang gumawa nito, mumurahin niya ito: “Masamang diyablo ka!” Kapag nakabalik na siya mula sa isang pagtitipon at makita niyang hindi pa handa ang pagkain niya, magagalit siya: “Masasamang diyablo kayo, napakatamad ninyong lahat. Lumalabas ako para gawin ang tungkulin ko, at wala man lang nakahandang pagkain para sa akin pagkabalik ko!” Ang sinumang makasalamuha niya ay posibleng mamura bilang isang “masamang diyablo.” Anong uri ng tao ito? (Isang masamang tao.) Paano siya naging masama? Sa mga mata niya, ang sinumang nakapagpapasama ng loob niya o hindi tumutugma sa mga kahilingan niya ay isang masamang diyablo—Siya mismo ay hindi, pero ang iba ay masasamang diyablo. May anumang batayan ba siya sa pagsasabi nito? Walang-wala; basta-basta lang siyang pumili ng salitang gagamitin para murahin ang mga tao na magtutulot sa kanya na maibsan ang pagkamuhi niya at maibulalas ang mga emosyon niya. Naniniwala siya na kung talagang mumurahin niya ang isang tao, sasabihin ng iba na tila hindi siya isang manananampalataya sa Diyos, pero iniisip niya na kung tatawagin niya ang isang tao na isang diyablo, hindi iyon pagmumura, at dapat na maging makatwiran ito para sa iba, tinutugunan ang mga sarili niyang pagnanais habang hindi hinahayaan ang iba na makakita ng kapintasan sa kanya. Ang lalaking ito ay napakatuso at napakasama, ginagamit niya ang pinakamapaminsalang wika, isang uri ng wika na hindi malalabanan ng mga tao, para gantihan at kondenahin sila, pero hindi siya maakusahan ng mga tao ng pagmumura o pagsasalita nang hindi makatwiran. Kapag nahaharap sa gayong tao, iiwasan o lalapitan ba siya ng karamihan ng tao? (Iiwasan nila siya.) Bakit? Hindi nila siya pwedeng galitin, kaya ang pwede lang nilang gawin ay iwasan siya; ito ang gagawin ng matatalinong tao.

Ang ganitong pangyayari kung saan ang isang tao ay basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ay madalas na nangyayari sa bawat iglesia. Halimbawa, may ilang tao na nagkikimkim ng pagkiling laban sa isang partikular na lider o manggagawa, at para makaganti, nagkokomento sila tungkol dito habang nakatalikod ito, nilalantad at hinihimay ito habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Mali ang intensiyon at mga layon sa likod ng mga gayong kilos. Kung tunay na nakikipagbahaginan ang isang tao tungkol sa katotohanan para magpatotoo sa Diyos at para makinabang ang iba, dapat siyang makipagbahaginan tungkol sa sarili niyang mga totoong karanasan, at magbigay ng pakinabang sa iba sa pamamagitan ng paghihimay at pagkilala sa sarili niya. Ang gayong pagsasagawa ay nagbubunga ng mas magagandang resulta, at sasang-ayunan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung ang pakikipagbahaginan ng isang tao ay naglalantad, bumabatikos, at nanghahamak sa ibang tao para saktan o gantihan ito, mali ang intensiyon ng pakikipagbahaginan, ito ay hindi makatarungan, kinapopootan ng Diyos, at hindi nakakapagpatibay sa mga kapatid. Kung ang intensiyon ng isang tao ay ang kondenahin ang iba o pahirapan ang mga ito, isa siyang masamang tao at gumagawa siya ng masama. Ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na may pagkilatis sa masasamang tao. Kung sadyang inaatake, inilalantad, o minamaliit ng isang tao ang mga tao, dapat siyang tulungan nang may pagmamahal, dapat makipagbahaginan sa kanya at himayin siya, o pungusan siya. Kung hindi niya matanggap ang katotohanan at matigas siyang tumatangging baguhin ang mga gawi niya, ganap na iba nang usapin ito. Pagdating sa masasamang tao na madalas na basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ang iba, dapat silang ilantad nang lubusan, para matutuhan ng lahat na makilatis sila, at pagkatapos, dapat silang pigilan o patalsikin sa iglesia. Mahalaga ito, dahil ginugulo ng mga gayong tao ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia, at malamang na ilihis nila ang mga tao at magdulot sila ng kaguluhan sa iglesia. Sa partikular, madalas na binabatikos at kinokondena ng ilang masamang tao ang ibang tao, para lang makamit ang layon nila na makapagpakitang-gilas at tingalain sila ng iba. Ang masasamang taong ito ay madalas na ginagamit ang pagkakataon ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon para di-tuwirang ilantad, himayin, at supilin ang iba. Binibigyang-katwiran pa nga nila ito sa pamamagitan ng pagsasabing ginagawa nila ito para makatulong sa mga tao at para lutasin ang mga problema sa iglesia, at ginagamit nila ang mga palusot na ito bilang panakip para makamit nila ang kanilang mga layon. Sila ang klase ng mga tao na nambabatikos at nagpapahirap sa iba, at malinaw na masasamang tao sila. Lahat ng bumabatikos at kumokondena sa mga taong naghahangad sa katotohanan ay lubhang malupit, at tanging ang mga naglalantad at naghihimay sa masasamang tao para maprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos ang may pagpapahalaga sa katarungan at sinasang-ayunan ng Diyos. Ang masasamang tao ay madalas na napakamapanlinlang sa kanilang paggawa ng kasamaan; bihasa silang lahat sa paggamit ng doktrina para bigyang-katwiran ang sarili nila at para makamit ang layon nila na ilihis ang iba. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay walang pagkilatis sa masasamang tao at hindi nila mapigilan ang ganitong mga tao, ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia ay lubhang mawawala sa ayos—o magiging sobrang magulo pa nga. Kapag nakikipagbahaginan ang masasamang tao tungkol sa mga problema at naghihimay ng mga ito, palagi silang may intensiyon at layon, at palagi itong nakatuon sa isang tao. Hindi nila hinihimay o kinikilala ang sarili nila, hindi rin sila nagtatapat at nagiging bukas para lutasin ang sarili nilang mga problema—sa halip, sinusunggaban nila ang pagkakataon para ilantad, himayin, at batikusin ang iba. Madalas nilang sinasamantala ang pagkakataong makipagbahaginan tungkol sa sarili nilang kaalaman para himayin at kondenahin ang iba, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, inilalantad, minamaliit, at sinisiraan nila ang mga tao. Partikular silang nakadarama ng pagkasuklam at pagkamuhi sa mga naghahangad sa katotohanan, sa mga nagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at sa mga madalas na gumagawa ng mga tungkulin ng mga ito. Ang masasamang tao ay gagamit ng iba't ibang katwiran at palusot para sirain ang motibasyon ng mga taong ito at pigilan silang magawa ang gawain ng iglesia. Parte ng nararamdaman nila para sa mga ito ay selos at pagkamuhi; ang isa pang parte ay takot na sa pagtindig para gumawa ng gawain ng mga taong ito, ay nagiging banta ang mga ito sa kasikatan at pakinabang at katayuan nila. Kaya balisa silang subukan ang lahat ng posibleng paraan para balaan, supilin, at pigilan ang mga ito, umaabot pa nga sa puntong naghahanap sila ng mga bala para idiin ang mga ito at baluktutin ang mga katunayan at kondenahin ang mga ito. Ganap na ibinubunyag nito na ang disposisyon ng masasamang taong ito ay disposisyong namumuhi sa katotohanan at mga positibong bagay. May partikular silang pagkamuhi sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, at sa mga taong taos-puso, disente, at matuwid. Maaring hindi nila ito sinasabi, pero ito ang uri ng mentalidad na mayroon sila. Kaya, bakit partikular nilang pinupuntirya ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga taong disente at matuwid, para maliitin, supilin, at ihiwalay? Malinaw na isa itong pagtatangka sa parte nila na pabagsakin at talunin ang mabubuting tao at ang mga naghahangad sa katotohanan, upang yurakan ang mga ito, para makontrol nila ang iglesia. Hindi naniniwala ang ilang tao na ganito ang nangyayari. Mayroon Akong isang tanong para sa kanila: Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, bakit hindi inilalantad o hinihimay ng masasamang taong ito ang sarili nila, at sa halip, palagi nilang pinupuntirya at inilalantad ang iba? Maaari nga kayang hindi sila nagbubunyag ng katiwalian, o na wala silang mga tiwaling disposisyon? Tiyak na hindi. Kung gayon, bakit pinipilit nilang puntiryahin ang iba para sa paglalantad at paghihimay? Ano ba ang mismong sinusubukan nilang makamit? Ang tanong na ito ay nangangailangan ng malalim na pagninilay-nilay. Nararapat ang ginagawa ng isang tao kung inilalantad niya ang masasamang gawa ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Pero sa halip, inilalantad at pinapahirapan ng mga taong ito ang mabubuting tao, habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Ano ang intensiyon ay layon nila? Galit ba sila dahil nakikita nilang inililigtas ng Diyos ang mabubuting tao? Iyon ang totoo. Hindi inililigtas ng Diyos ang masasamang tao, kaya namumuhi ang masasamang tao sa Diyos at sa mabubuting tao—natural ang lahat ng ito. Hindi tinatanggap o hinahangad ng masasamang tao ang katotohanan; sila mismo ay hindi maliligtas, pero pinapahirapan nila ang mabubuting taong naghahangad sa katotohanan at maliligtas. Ano ang problema rito? Kung ang mga tao na ito ay may kaalaman sa sarili nila at sa katotohanan, maaari silang magtapat at makipagbahaginan, pero palagi nilang pinupuntirya at ginagalit ang iba—palagi silang may tendensiyang batikusin ang iba—at lagi nilang itinuturing ang mga naghahangad sa katotohanan bilang mga kaaway nila sa kanilang imahinasyon. Ang mga to ang mga tanda ng masasamang tao. Ang mga may kakayahang gumawa ng gayong kasamaan ang tunay na mga diyablo at Satanas, ang mga sukdulang anticristo, na dapat pigilan, at kung gumagawa sila ng napakaraming kasamaan, kailangan silang agad na pangasiwaan—patalsikin sila sa iglesia. Lahat ng umaatake at nagbubukod sa mabubuting tao ay mga bulok na mansanas. Bakit Ko sila tinatawag na mga bulok na mansanas? Dahil malamang na magdulot sila ng mga hindi kinakailangang alitan at sigalot sa iglesia, na nagiging dahilan para lumala nang lumala ang kalagayan ng mga bagay-bagay roon. Pinupuntirya nila ang isang tao ngayon at iba na naman ang pupuntiryahin nila bukas, at palagi nilang pinupuntirya ang iba, ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Malamang na makagambala ito sa buhay iglesia at makaapekto sa normal na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos, gayundin sa normal na pakikipagbahaginan nila tungkol sa katotohanan. Madalas na sinasamantala ng masasamang taong ito ang pamumuhay ng buhay iglesia para batikusin ang iba sa ngalan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. May pagkamapanlaban sa lahat ng sinasabi nila; nagsasabi sila ng mga nakakagalit na komento para batikusin at kondenahin ang mga naghahangad sa katotohanan at ang mga gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Ano ang mga kahihinatnan nito? Magagambala at magugulo nito ang buhay ng iglesia, at dahil dito ay mababalisa ang puso ng mga tao at hindi nila magagawang tumahimik sa harap ng Diyos. Sa partikular, ang mga imoral na bagay na sinasabi ng masasamang taong ito para kondenahin, atakihin, at saktan ang iba ay pwedeng magdulot ng paglaban. Hindi ito nakakatulong sa paglutas ng mga problema; sa kabaligtaran, nagdudulot ito ng takot at pagkabalisa sa iglesia at pinapahina nito ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao, na nagiging sanhi na magkaroon ng tensiyon at alitan sa pagitan nila. Ang pag-uugali ng mga taong ito ay hindi lang nakakaapekto sa buhay iglesia, nagdudulot din ito ng sigalot sa iglesia. Pwede pa nga itong makaapekto sa gawain ng iglesia sa kabuuan at sa pagpapalaganap sa ebanghelyo. Samakatwid, ang mga lider at manggagawa ay kailangang bigyan ng babala ang ganitong uri ng tao, at kailangan din nilang limitahan at pangasiwaan ang mga ito. Sa isang banda, ang mga kapatid ay kailangang maglagay ng mahihigpit na limitasyon sa masasamang taong ito na madalas na bumabatikos at kumokondena sa iba. Sa kabilang banda, ang mga lider ng iglesia ay dapat agad na ilantad at pigilan ang mga basta-bastang umaatake at kumokondena sa iba, at kung hindi sila nagbabago, alisin sila sa iglesia. Ang masasamang tao ay dapat pigilan sa panggugulo sa buhay ng iglesia sa mga pagtitipon, at kasabay nito, ang mga taong magulo ang isip ay kailangang pigilang magsalita sa paraang nakakaapekto sa buhay iglesia. Kung natuklasan ang isang masamang tao na gumagawa ng masama, kailangan siyang ilantad. Hinding-hindi siya dapat pahintulutan na kumilos nang sutil, na gawin ang masama ayon sa kagustuhan niya. Kinakailangan ito para mapanatili ang normal na buhay iglesia at matiyak na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay pwedeng magtipon, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at magbahaginan nang normal tungkol sa katotohanan, na magtutulot sa kanila na tuparin ang mga tungkulin nila nang normal. Saka lang maisasakatuparan ang kalooban ng Diyos sa iglesia, at sa ganitong paraan lang makakaunawa sa katotohanan, makakapasok sa realidad, at makakapagtamo ng mga pagpapala ng Diyos ang Kanyang hinirang na mga tao. Natuklasan ba ninyo ang mga ganitong uri ng masasamang tao sa iglesia? Palagi silang nagkikimkim ng naiinggit na pagkamuhi sa mabubuting tao, at palagi nilang pinupuntirya ang mga ito. Ngayon ay ayaw nila sa isang mabuting tao, bukas ay iba naman ang aayawan nila; kaya nilang punahin ang sinuman at hanapan ito ng napakaraming kapintasan, at higit pa rito, ang sinasabi nila ay tila may batayan talaga at makatwiran, at sa huli ay nagdudulot sila ng malawakang pagkapoot, nagiging salot sila sa grupo. Ginugulo nila ang iglesia hanggang sa puntong nagkakagulo-gulo na ang puso ng mga tao, nagiging negatibo at mahina ang maraming tao, walang pakinabang o pagpapatibay na nakakamit mula sa mga pagtitipon, at nawawala pa ang pagnanais ng ilan na dumalo sa mga pagtitipon. Hindi ba’t mga bulok na mansanas ang mga gayong tao? Kung hindi pa nila naabot ang antas na dapat na silang paalisin, dapat silang ihiwalay at limitahan. Halimbawa, sa panahon ng mga pagtitipon, paupuin sila nang nakahiwalay sa iba para maiwasan na maimpluwensiyahan nila ang iba. Kung pilit silang naghahanap ng mga pagkakataon para magsalita at mambatikos ng mga tao, dapat silang limitahan—pagbawalan na magsabi ng mga walang kwentang bagay. Kung nagiging imposible na limitahan sila at malapit na silang sumabog o lumaban, dapat agad silang paalisin. Ibig sabihin, kapag ayaw na nilang malimitahan, at sinasabi nila, “Ano ang batayan ng paglilimita mo sa pananalita ko? Bakit pwedeng magsalita ang iba sa loob ng limang minuto, samantalang ako ay may isang minuto lang?”—kapag palagi nilang tinatanong ang mga ganitong katanungan, ibig sabihin ay lalaban sila. Kapag malapit na silang manlaban, hindi ba’t nagiging tutol sila? Hindi ba’t sinusubukan nilang magdulot ng problema, na manligalig? Hindi ba’t malapit na nilang guluhin ang buhay iglesia? Malapit na nilang ibunyag kung sino talaga sila; oras na para pangasiwaan sila—dapat agad silang paalisin. Makatwiran ba ito? Oo. Talagang hindi madali na tiyakin na makakapamuhay ang karamihan ng normal na buhay iglesia, nang may kung ano-anong masasamang tao, masasamang espiritu, maruruming demonyo, at “mga espesyal na talento” na naghahangad na sirain ang mga bagay-bagay. Pwede ba nating hindi sila limitahan? Ang ilang “mga espesyal na talento” ay nagsisimulang maliitin at batikusin ag iba sa sandaling ibuka nila ang kanilang bibig—kung nakasuot ka ng salamin o kung manipis ang buhok mo, babatikusin ka nila; kung ibinabahagi mo ang iyong patotoong batay sa karanasan sa panahon ng mga pagtitipon o kung aktibo at responsable ka sa paggawa ng mga tungkulin mo, binabatikos at hinuhusgahan ka nila; kung may pananalig ka sa Diyos sa panahon ng mga pagsubok, kung mahina ka, o kung mapagtatagumpayan mo ang mga suliranin sa pamilya gamit ang pananalig mo nang hindi nagrereklamo tungkol sa Diyos, binabatikos ka nila. Ano ang ibig sabihin dito ng pambabatikos? Ibig sabihin, anuman ang gawin ng iba, hindi ito kailanman ikinasisiya ng mga taong ito; palagi nila itong hindi gusto, palagi silang naghahanap ng mga kapintasang hindi naman umiiral, palagi nilang hinahangad na akusahan ang ibang tao ng kung ano-ano, at sa tingin nila ay wala nang ginawang tama ang ibang tao. Kahit na makipagbahaginan ka sa katotohanan at tugunan mo ang mga isyu nang ayon sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, mambubusisi at mamumuna sila, hahanapan ng kapintasan ang lahat ng ginagawa mo. Sadya silang nagdudulot ng gulo, at pinupuntirya nila ang lahat sa mga pambabatikos nila. Sa tuwing nagpapakita sa iglesia ang ganitong tao, dapat mo siyang pangasiwaan; kung dalawang taong ganito ang magpakita, dapat parehas mo silang pangasiwaan. Dahil malaki ang pinsalang idinudulot nila sa buhay iglesia, nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, at malubha ang mga kahihinatnan nito.

B. Ang mga Katangian ng Pagkatao ng mga Taong Madalas na Nambabatikos sa Iba

Ngayon, pinagbahaginan natin ang iba't ibang aspekto na may kinalaman sa isyu ng mutwal na pag-atake at sagutan. Naarok ba ninyo ang kalikasan ng mga pag-uugali na ipinakita ng iba't ibang uri ng mga indibidwal na nabanggit sa mga aspektong ito? Magsimula tayo sa mga mahilig umatake sa iba—taglay ba nila ang katwiran ng normal na pagkatao? (Hindi.) Ano ang mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran? Ano ang kanilang mga saloobin at prinsipyo sa mga tao, pangyayari, at bagay? Sa pakikitungo sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ano ang mga pamamaraan at saloobin na kanilang pinipili? Halimbawa, ang kanilang hilig sa pakikipagtalo tungkol sa tama at mali—hindi ba't isa itong uri ng saloobin na pinanghahawakan nila sa mga tao, pangyayari, at bagay? (Oo.) Kapag mahilig pagtalunan ng mga tao ang tama at mali, sinusubukan nilang linawin kung tama ba o mali ang bawat isang bagay, hindi sila tumitigil hangga’t hindi nalilinaw ang usapin at naunawaan kung sino ang tama at kung sino ang mali, nakapako sila sa mga bagay na wala namang kasagutan: Ano ba talaga ang silbi ng pagkilos nang ganito? Tama ba talagang pagtalunan ang tama at mali? (Hindi.) Nasaan ang pagkakamali? May koneksyon ba sa pagitan nito at ng pagsasagawa ng katotohanan? (Walang koneksyon.) Bakit mo nasasabing walang koneksyon? Ang pagtatalo sa tama at mali ay hindi pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ito pagtalakay o pagbabahagi sa mga katotohanang prinsipyo; sa halip, lagi na lang pinag-uusapan ng mga tao kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung sino ang nakagawa ng tama at kung sino ang nagkamali, kung sino ang nasa katwiran at kung sino ang hindi, kung sino ang may matinong katwiran, at kung sino ang wala, at kung sino ang nagpahayag ng mas mataas na doktrina; ito ang sinusuri nila. Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, lagi nilang sinusubukang mangatwiran sa Diyos, lagi na lang silang nakakaisip ng ipapalusot. Tinatalakay ba ng Diyos ang gayong mga bagay sa iyo? Tinatanong ba ng Diyos kung ano ang konteksto? Tinatanong ba ng Diyos ang mga rason at dahilan mo? Hindi Niya itinatanong. Tinatanong ng Diyos kung may saloobin ka ng pagpapasakop o paglaban nang subukin ka Niya. Tinatanong ng Diyos kung nauunawaan mo ba o hindi ang katotohanan, kung mapagpasakop ka ba o hindi. Ito lamang ang tinatanong ng Diyos, at wala nang iba. Hindi tinatanong sa iyo ng Diyos kung ano ang dahilan ng kawalan mo ng pagpapasakop, hindi Niya tinitingnan kung may maganda ka bang rason—talagang hindi Niya isinasaalang-alang ang gayong mga bagay. Tinitingnan lang ng Diyos kung naging mapagpasakop ka ba o hindi. Kahit ano pa ang kapaligirang tinitirhan mo at kung ano ang konteksto, ang masusing sinisiyasat lang ng Diyos ay kung may pagpapasakop ba sa iyong puso, kung mayroon ka bang saloobin ng pagpapasakop; hindi nakikipagdebate sa iyo ang Diyos sa kung ano ang tama at mali, walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang mga rason mo, ang mahalaga lamang sa Diyos ay kung tunay kang mapagpasakop, ito lamang ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Hindi ba’t isa itong katotohanang prinsipyo? Ang uri ng mga taong mahilig makipagtalo sa kung ano ang tama at mali, na gustung-gustong nakikipagpalitan ng maiinit na salita—may mga katotohanang prinsipyo ba sa kanilang puso? (Wala.) Bakit wala? Kahit kailan ba ay pinagtuunan nila ng pansin ang mga katotohanang prinsipyo? Kahit kailan ba ay hinangad nila ang mga ito? Hinanap man lang ba nila ang mga ito? Hindi nila kailanman pinagtuunan ng pansin ang mga ito, o hinangad ang mga ito o hinanap ang mga ito, at lubhang wala ang mga ito sa kanilang mga puso. Bunga nito, nakakapamuhay lamang sila sa loob ng mga kuru-kuro ng tao, ang pawang laman ng kanilang mga puso ay tama at mali, matuwid at di-matuwid, mga palusot, mga dahilan, mga panlilinlang, at mga argumento, at pagkaraan naman nito ay babatikusin, hahatulan, at kokondenahin nila ang isa’t isa. Ang disposisyon ng mga taong kagaya nito ay na gusto nilang pinagdedebatihan ang tama at mali, at hinahatulan at kinokondena ang mga tao. Ang mga taong kagaya nito ay walang pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan, malamang na subukan nilang mangatwiran sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos at lumaban sa Diyos. Sa huli, mapaparusahan sila.

Iyon bang mga mahilig makipagtalo sa kung ano ang tama at mali ay naghahangad sa katotohanan? Hinahangad ba nila ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos, o ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa mga sitwasyong ito sa pamamagitan ng mga tao, pangayayari, at bagay na nararanasan nila sa loob ng mga ito? Hindi. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, may tendensiya silang aralin kung “kumusta ang pangyayari” o kung “kumusta ang taong iyon.” Ano ang pag-uugaling ito? Hindi ba’t ito ang madalas na tinutukoy ng mga tao bilang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay? Nagtatalo sila tungkol sa mga pangangatwiran ng mga tao at sa mga nangyayari, pinipilit nilang linawin ang mga bagay na ito, pero hindi nila binabanggit kung sa aling bahagi ng proseso ng masasalimuot na sitwasyong ito nila hinahanap ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, kung saang bahagi sila naliwanagan. Wala sila ng mga ganitong karanasan at pamamaraan ng pagsasagawa. Palagi lang nilang sinasabi: “Malinaw na pinupuntirya mo ako sa usaping iyon, iniinsulto mo ako. Sa tingin mo ba ay napakahangal ko na hindi ko mapapansin? Bakit mo ako iinsultuhin? Hindi ko naman napasama ang loob mo; bakit mo ako pupuntiryahin? Dahil pinupuntirya mo ako, hindi ako magpipigil! Matagal na akong nagtimpi sa iyo, pero may mga limitasyon ang pagtitimpi ko. Huwag mong isipin na madali akong api-apihin; hindi ako natatakot sa iyo!” Habang kumakapit sa mga isyung ito, walang tigil nilang ipinipresenta ang mga pangagatwiran nila, nakapako sa tama at mali at sa wasto at hindi wasto ng usapin, pero ang kanilang mga diumano’y pangangatwiran ay hindi talaga naaayon sa katotohanan, at walang ni isang salita sa mga ito ang tumutugma sa mga hinihingi ng Diyos. Napapako sila sa mga tao, pangyayari, at bagay hanggang sa puntong nayayamot na ang iba at wala nang may gustong makinig sa kanila, pero sila mismo ay hindi kailanman nagsasawa na magsalita tungkol sa mga bagay na ito, tinatalakay nila ang mga ito saanman sila magpunta, para silang sinapian. Ito ay tinatawag na walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay, at sadyang pagtanggi na hanapin ang katotohanan. Ang pangalawang katangian ng mga taong nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ay ang partikular nilang hilig na walang tigil na mapako sa mga tao at bagay. Nagmamahal ba sa katotohanan iyong mga walang tigil na napapako sa mga tao at bagay? (Hindi.) Hindi nila minamahal ang katotohanan, halata ito. Kung gayon, nauunawaan ba ng mga indibidwal na ito ang katotohanan? Alam ba nila kung ano talaga ang katotohanang sinasabi ng Diyos? Batay sa panlabas nilang pag-uugali na walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay, alam ba nila kung ano talaga ang katotohanan? Malinaw na hindi. Ano ang ideyang iginagalang nila? Ito ay ang ideya na kung sinuman ang may mga salitang may higit na katwiran ang siyang tama, ang sinumang may mga kilos na matapat at maipapakita sa lahat ang siyang nasa tama, at kung sino mang kumikilos nang naaayon sa moralidad, etika, at tradisyonal na kultura, nagkakamit ng pagsang-ayon ng karamihan, ang siyang nasa tama. Sa paningin nila, ang “tama” na ito ang kumakatawan sa katotohanan, para walang tigil silang mapako sa mga tao at bagay nang may labis na kapangahasan, at hindi sila kailanman tumitigil sa pagkapako sa mga usaping ito. Naniniwala sila na ang pagiging napapangatwiranan ay katumbas ng pagtataglay sa katotohanan—hindi ba’t malaking problema ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginambala o ginulo ang gawain ng iglesia, hindi ko sinasamantala ang iba, hindi ako mahilig na magnakaw sa iba, at hindi ako nang-aapi; hindi ako isang masamang tao.” Ang ipinapahiwatig ba rito ay na isa kang taong nagsasagawa sa katotohanan, isang taong nagtataglay sa katotohanan? Karamihan ng mga walang tigil na napapako sa mga tao at bagay ay naniniwalang matutuwid silang tao at dahil doon ay hindi nila kailangang mag-alala tungkol sa mga tsimis, at itinuturing nila ang sarili nila bilang matutuwid, mararangal na tao na hindi kailanman pupuri ng iba. Samakatwid, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, may tendensiya silang makipagtalo at makipagdebate, at piliting patunayan na tama ang pangangatwiran nila sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito. Naniniwala sila na kung matibay ang pangangatwiran nila, at maaari itong ipresenta nang hayagan, at sumasang-ayon dito ang karamihan, sila ay isang taong naghahangad sa katotohanan. Ano ang kanilang “katotohanan”? Sa anong pamantayan ito sinusukat? Sa tingin ba ninyo ay mauunawaan ng mga gayong tao ang katotohanan? (Hindi.) Samakatwid, palagi silang walang tigil na napapako sa mga tao at bagay at matigas ang ulo nilang tumutuon sa mga ito. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, kaya palagi nilang sinasabi, “Hindi ko naman napasama ang loob mo. Bakit palagi mo akong pinupuntirya? Mali ang ginagawa mong pagpuntirya sa akin!” Naniniwala sila, “Kung hindi ko napasama ang loob mo, hindi mo ako dapat tratuhin sa ganitong paraan. Dahil tinatrato mo ako sa ganitong paraan, gagantihan kita, maghihiganti ako, at ang paghihiganti ko ay lehitimong pagtatanggol sa sarili, naaayon ito sa batas. Ito ang katotohanang prinsipyo. Samakatwid, ang ginagawa mo ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pero ang ginagawa ko ay naaayon. Kaya mapapako ako sa usaping ito, palagi kong uungkatin ang isyung ito, at palagi kitang babanggitin!” Naniniwala silang ang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi ba’t malaking pagkakamali ito? Malaki ngang pagkakamali ito, at naliligaw sila. Ang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay ay ganap na ibang usapin kaysa sa pagsasagawa sa katotohanan. Ito ang pangalawang problema sa pagkatao ng mga taong ito—walang tigil silang napapako sa mga tao at bagay. Saan nauugnay ang mga problema ng pagkatao? Hindi ba’t nauugnay ang mga ito sa kalikasan ng isang tao? Maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at iniisip nila na ang mga terminong alam nila, tulad ng pagiging bukas at totoo, matuwid at matapat, prangka at tahasan, diretsahan at marangal, at iba pa ay ang mga pundamental sa kung paano umasal, at itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang ang mga katotohanang prinsipyo. Maling-mali ang pananaw na ito.

Ang mga taong nambabatikos sa isa’t isa at may tendensiyang makipagbangayan ay may hindi normal na pagkatao. Ang unang aspekto nito ay pagkahilig na makipagtalo sa kung ano ang tama at mali; ang pangalawa ay ang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay. Ano ang ikatlong aspekto? Hindi ba’t ito ay ang ganap nilang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan? Ni hindi nila matanggap ang iisang tamang pahayag. Iniisip nila, “Kahit na tama ang sinasabi mo, kailangan mo pa rin akong tulungan na hindi mapahiya, kailangan mong magsalita nang maingat at huwag akong saktan. Kung ang mga salita mo ay matalas at maaari kong ikapahiya, dapat sa pribado mo sabihin sa akin ang mga ito. Hindi mo ako dapat saktan sa harap ng maraming tao, walang pagsasaalang-alang sa pagpapahalaga ko sa sarili at hindi ako binibigyan ng tsansang makaalis sa nakakahiyang sitwasyong ito. Higit pa rito, mali ang sinasabi mo, kaya dapat akong gumanti!” Sa mas malulubhang kaso, lumalaban ang mga ganitong uri ng tao: “Gaano man katama ang mga salita mo, hindi ko tatanggapin ang mga ito, ayos lang na magsalita ka tungkol sa ibang tao, pero hindi ayos na puntiryahin mo ako, kahit na tama ka!” Kahit kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kapag naramdaman nila na pinupuntirya o inilalantad sila ng mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagtutol sa mga salitang ito at ayaw nilang makinig sa mga ito—sadyang dahil nahaharap lang sila sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang makipagtalo sa Kanya. Kung harap-harapang tutukuyin ng isang tao ang mga isyu at kalagayan nila, o hindi sinasadyang banggitin sila nang walang intensiyong puntiryahin sila, kaya nilang gumanti at magsimula ng mga pagbabangayan. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ganap na tumatangging tumanggap sa katotohanan ang mga gayong indibidwal? (Oo.) Ito ang kanilang pagkataong diwa—isang ganap na pagtangging tanggapin ang katotohanan. Kaya, anuman ang nilalaman ng kanilang mga pagbabangayan o saan man nangyayari ang mga pagbabangayang ito, malinaw ang pagkatao ng mga gayong tao. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kahit kapag nauunawaan nila ang sinasabi sa mga sermon, hind nila tinatanggap ang katotohanan; nambabatikos pa rin sila sa isa’t isa at patuloy na nakikipagbangayan, o madalas na may tendensiyang batikusin ang iba. Batay sa mga pagpapamalas nilang ito, anong uri sila ng tao? Una, nagmamahal ba sila sa katotohanan? Sila ba ay mga indibidwal na kayang isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan nila ito? (Hindi.) Kapag may natutuklasan silang mga problema, kaya ba nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito? (Hindi.) Kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro, at mga pagkiling o personal na opinyon tungkol sa ibang tao, magagawa ba nilang magkusa na isantabi ang mga ito para hanapin ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila kayang gawin ang anuman sa mga bagay na ito. (Kung titingnan ang lahat ng bagay na ito na hindi nila kayang gawin, malinaw na walang silbi ang lahat ng indibidwal na may tendensiyang mabatikos sa iba at makipagbangayan. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas nila, hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi sila handang hanapin ito. Sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan, anumang mga pagkiling o maling pananaw ang mabuo sa kanila, nananatili silang mapagmagaling at hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at kahit kapag malinaw na nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito, at lalong ayaw nilang isagawa ito. Kasabay nito, ang mga indibidwal na ito ay nagpapakita ng higit na kasuklam-suklam na pagpapamalas: Matapos magkamit ng pagkaunawa sa ilang salita at doktrina, ginagamit nila ang mga engrandeng doktrinang ito na nauunawaan nila para basta-bastang batikusin, husgahan, at kondenahin ang iba, at pigilan at kontrolin pa nga ang iba. Kung hindi nila magagawang pahinain ka gamit ang mga paghusga at pagkondena nila, mag-iisip sila ng kung ano-anong paraan para pigilan ka gamit ang mabababaw na teorya. Kung hindi ka pa rin tumatalima, gagamit sila ng mas kasuklam-suklam at kahindik-hindik na mga pamamaraan para batikusin ka, hanggang sa tumalima ka sa kanila, hanggang maging mahina at negatibo ka, o magsimula kang hangaan sila at magpamanipula sa kanila—saka sila masisiyahan. Kaya, batay sa mga pag-uugali, mga pagpapamalas, at saloobin sa katotohanan ng mga indibidwal na ito, anong uri ng mga tao sila? Ganap silang tumatangging tanggapin ang katotohanan—ito ang saloobin nila sa katotohanan. At paano naman ang pagkatao nila? Ang karamihan ng mga indibidwal na ito ay masasamang tao; kung magiging konserbatibo, higit 90% sa kanila ang masama. Hilig ng masasamang tao na linawin ang tama at mali sa bawat usapin, kung hindi, hindi nila ito bibitiwan, at palagi silang may ganitong uri ng tendensiya. Dagdag pa rito, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ang masasamang tao ay napapako sa mga tao at bagay, at walang tigil na napapako sa mga ito, palaging ipinipresenta ang sarili nilang mga pangangatwiran, palaging kinukumbinsi ang lahat na sumang-ayon at sumuporta sa kabila, at sabihin na tama sila, at hindi tinutulutan ang sinuman na magsabi ng anumang masama tungkol sa kanila. Higit pa rito, kapag nahaharap ang masasamang tao sa mga sitwasyon, palagi silang naghahanap ng mga pagkakataon para ikulong at kontrolin ang mga tao. Anong pamamaraan ang ginagamit nila para kontrolin ang mga tao? Kinokondena nila ang lahat, pinapaniwala ang bawat tao na hindi siya sapat, na may mga problema at kapintasan siya, at na siya ay mas mababa kaysa sa masasamang taong ito, pagkatapos nito ay nalulugod at nasisiyahan ang masasamang tao. Kapag natalo na nila ang lahat, at sila na lang ang nakatayo, hindi ba’t napasailalim na nila ang lahat sa kanilang kontrol? Ang layong nakakamit nila sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga tao ay ang kondenahin at pabagsakin ang lahat, pinapaniwala ang lahat na ang mga ito ay walang kakayahan, ginagawang negatibo at mahina ang mga ito, mawalan ng pananalig sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at mawalan ng pananalig sa Diyos at mawalan ng landas na susundan—pagkatapos nito, natutuwa at nasisiyahan ang masasamang taong ito. Kung titingnan ang mga aspektong ito, hindi ba’t malinaw na binubuo ng masasamang tao ang mayorya ng mga ganitong uri ng indibidwal? Tingnan ninyo kung aling mga uri ng mga tao ang palaging may tendensiyang batikusin ang iba kapag nasa grupo sila, harap-harapan man o sa likod ng mga tao, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para batikusin ang iba—masasama ang mga gayong tao. Hinding-hindi tinatanggap ng mga indibidwal na ito ang katotohanan, ni hindi nila pinagbabahaginan ang katotohanan, at madalas nilang sinasamantala ang isang sitwasyon para ipagyabang na mabuti silang tao, na may katwiran at batayan anuman ang ginagawa nila, at na kumikilos sila sa isang matuwid at matapat na paraan—palagi nilang ipinagyayabang na sila ay mga disente at marangal na tao, at mga prangka at makatarungang indibidwal. Ang mga taong ito ay hindi kailanman nagpapatotoo sa katotohanan, ni hindi sila nagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, mahilig lang sila na walang tigil na mapako sa mga tao at bagay, at ipresenta ang sarili nilang mga pangangatwiran. Ang intensiyon at layon nila ay mapaniwala ang mga tao na mabubuti silang tao, at na nauunawaan nila ang lahat ng bagay. Tungkol sa mga nasa iglesia na madalas mambatikos at magbangayan sa isa’t isa, ito man ang mga nagpapasimula ng mga pambabatikos o iyong mga nababatikos, kung nagambala at nagulo ang buhay iglesia, dapat tumindig ang karamihan ng tao para bigyan sila ng babala at limitahan. Hindi dapat bigyan ng oras ang mga taong ito na magwala at gumawa ng masasamang bagay, ni hindi sila dapat tulutan na makaapekto sa iba sa pamamagitan ng pagbubulalas ng personal na galit at paghahangad ng paghihiganti dahil sa mga personal nilang sama ng loob at panandaliang galit. Siyempre, dapat masigasig ding tuparin ng mga lider ng iglesia ang mga responsabilidad nila, epektibong nililimatahan ang mga taong ito mula sa paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at pinoprotektahan ang karamihan ng tao mula sa panggugulo. Kapag nambabatikos at nagbabangayan ang mga tao sa isa’t isa, dapat maagap na pigilan at limitahan ng mga lider ng iglesia ang mga ito. Kung ang pagtatangkang pigilan at limitahan ang mga ito ay hindi nakakalutas sa problema, at patuloy silang nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa, ginugulo ang iba, at patuloy nilang pinipinsala ang buhay iglesia, kung gayon, dapat na paalisin at patalsikin ang mga gayong indibidwal. Ito ang responsabilidad ng mga lider ng iglesia.

Nagbahaginan tayo nang marami-rami tungkol sa mga pag-uugali at pagpapamalas niyong mga nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa. Bahagya rin nating hinimay at pinagbahaginan kanina ang pagkatao nila, na magbibigay kakayahan sa inyo na magkamit ng higit na pagkilatis sa kanila, at magbibigay kakayahan sa karamihan sa inyo na malaman kung ano ang nangyayari at maagap silang makilatis kapag nagsasalita at kumikilos sila. Kapag mas lubusan ninyong inuunawa at inaalam ang diwa ng mga taong ito, mas mabilis ninyo silang makikilatis, at dahil dito ay mababawasan nang mababawasan ang panggugulo nila sa inyo. Dapat maging malinaw sa karamihan sa inyo ang tungkol sa pinsalang idinudulot niyong mga nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa sa buhay iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi magninilay-nilay sa sarili nila at hindi titigil sa pag-aaway. Kung hindi sila agad na pangangasiwaan at paaalisin, magdudulot sila ng patuloy na mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Samakatwid, ang pangangasiwa at pagpapaalis sa mga gayong tao ay isang napakahalagang aytem ng gawain para sa mga lider ng iglesia at hindi ito dapat balewalain.

Hunyo 5, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 10

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito