Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 16

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Ito, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Ito (Ikaapat na Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Kaganapan, at Bagay na Nakakagambala at Nakakagulo sa Buhay Iglesia

VIII. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro

A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro

Ngayon ay ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabalidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga ito, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga ito.” Tungkol naman sa iba’t ibang isyu ng paggambala at panggugulo na lumilitaw sa buhay iglesia, nakapaglista tayo ng labing-isa. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikapitong isyu: ang pakikipag-away at pambabatikos. Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikawalong isyu: ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Madalas ding nangyayari sa buhay iglesia ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang ilang tao, na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, ay nananampalataya sa Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at madalas silang nagpapakalat ng ilang kuru-kuro para guluhin ang buhay iglesia. Dapat limitahan ng iglesia ang ganitong pag-uugali at lutasin ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan sa buhay iglesia. Mula sa literal na perspektiba, makikita ng sinuman na ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi wastong pag-uugali, na hindi ito isang positibong bagay kundi negatibo. Samakatwid, dapat itong pigilan at limitahan sa buhay iglesia. Anumang uri ng mga tao ang nagpapakalat ng mga kuru-kuro, anuman ang mga motibo nila, sinasadya man nila o hindi na magpakalat ng mga kuru-kuro, hangga’t nagpapakalat sila ng mga kuru-kuro, magagambala at magugulo nito ang buhay iglesia, na magdudulot ng mga nakakapinsalang epekto. Samakatwid, kailangang ganap na limitahan ang usaping ito. Mula sa anumang perspektiba, ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi posibleng magkaroon ng positibo, nakapagpapatibay na papel sa paghahangad sa katotohanan, paghahangad sa pagkilala sa Diyos, o pagpasok sa katotohanang realidad ng mga tao; maaari lang itong magkaroon ng epekto ng panggugulo at paninira sa mga bagay na ito. Kaya, kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro sa buhay iglesia ang isang tao, ang lahat—kapwa ang mga lider ng iglesia at mga kapatid—ay dapat kilatisin ang usaping ito at agad na kumilos para pigilan at limitahan ang taong iyon, sa halip na pikit-matang kunsintihin siya sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis at guluhin ang iba. Magbahaginan muna tayo tungkol sa kung anong uri ng mga salita ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Sa pagkakaroon ng pagkilatis na ito, tumpak na matutukoy ng mga tao kung ano ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro at magagawa rin nilang tumpak na pigilan at limitahan ito, sa halip na balewalain ito at tratuhin ito nang walang pakialam.

1. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro Tungkol sa Diyos

May pinupuntirya ang mga kuru-kurong ipinapakalat. Una, kailangang makita natin kung sino ang pinupuntirya ng mga ito at kung anong mga kuru-kuro ang ipinapakalat. Makakatulong ang pagkaunawa sa mga ito para malaman mo kung aling mga pahayag na sinasabi ng mga tao at aling mga pananaw na ipinapakalat ng mga tao ang bumubuo sa mga kuru-kuro. Ang pag-alam kung aling mga salita ang mga kuru-kuro ng mga tao at kung anong mga kilos ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay magbibigay-kakayahan sa mga tao na limitahan ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro nang mas tumpak at mas may kaugnayan. Una sa lahat, ang pinakamalubhang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay may kinalaman sa mga ideya at maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos. Isa itong pangunahing kategorya. Ang pagpapakalat ng mga di-totoong pananaw at pahayag tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos, diwa ng Diyos, disposisyon ng Diyos, mga salita ng Diyos, gawain ng Diyos, at pag-iral ng Diyos ay pawang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Isa itong pangkalahatang pahayag; sa partikular, anong uri ng mga pahayag ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ang pagpapakalat ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, mga paghusga at pagkondena sa Diyos, at maging ang mga paglapastangan sa Diyos ay pawang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Sa madaling salita, ang pagpapakalat ng mga pagkaunawa tungkol sa Diyos na hindi tumutugma sa realidad at ng mga pahayag at maling interpretasyong hindi tumutugma sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay pawang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Halimbawa, sa buhay iglesia, madalas na pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Wala silang tunay na pagkaunawa sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Madalas silang nagdududa at nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos sa puso nila, hindi nila magawang magpasakop sa kapaligiran ng pamumuhay at sa kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin nila na isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at iba pa. Pagkatapos, ipinapakalat nila ang mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos at ang mga ideya nila tungkol sa hindi pagkaunawa sa Diyos. Sa madaling salita, ang mga ideyang ito ay hindi tungkol sa pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos mula sa perspektiba ng isang nilikhang tao, bagkus ay puno ang mga ito ng mga personal na pagkiling, maling pagkaunawa, at maging ng mga paghusga at pagkondena. Pagkarinig sa mga ito, ang ibang tao ay nagkakaroon ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at nagiging mapagbantay laban sa Kanya, kaya nawawala ang tunay nilang pananalig sa Diyos, lalong nawawalan sila ng tunay na pagpapasakop.

Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, makakamit nila ang mga pagpapala at pabor ng Diyos, at na anumang paghihirap ang kaharapin nila, basta’t nagdadasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi isinusuko ang pananalig nila ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, “Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagkasundo sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito tumutugon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagkasundo o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ano’t anuman, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang mangatwiran sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. Anuman ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa na nabubuo ng mga tao, sa perspektiba ng Diyos, hindi Siya kailanman kumikilos o hindi Niya kailanman tinatrato ang sinuman ayon sa mga kuru-kuro o kahilingan ng tao. Laging ginagawa ng Diyos ang nais Niyang gawin, ayon sa sarili Niyang paraan at batay sa sarili Niyang disposisyong diwa. May mga prinsipyo ang Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang bawat tao; at wala Siyang anumang ginagawa sa bawat tao na batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan ng tao—ito ang aspekto ng gawain ng Diyos na pinakataliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag isinasaayos ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at pwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino nga ba ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitawan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tumanggap, magpasakop, at dumanas sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—nangyayari ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring tutulan ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay talagang walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang tiwaling disposisyon ay malayo pa sa pagiging malinis at sa esensiya ay namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon. Napakalayo pa rin nila sa pagkamit ng kaligtasan.

Kapag nagkakaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at paglaban sa Kanya sa puso nila, iyong mga may kaunting konsensiya ay atubiling tatanggapin ang ginagawa ng Diyos at susubukang makibagay sa kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa kanila at tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga tao. Kung ilang kuru-kuro ang kayang bitiwan ng mga tao at kung hanggang saan ay nakasalalay, sa isang banda, sa kakayahan nila, at sa kabilang banda, sa kung tinatanggap ba nila ang katotohanan at kung sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan. Aktibong hinaharap ng ilang tao ang mga kapaligirang isinasaayos ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, paghahanap at pagbabahaginan, at pagbubulay. Unti-unti nilang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa gayon ay lumalalim ang pagpapasakop at pananalig nila. Gayumpaman, ang ilang tao, anuman ang kapaligirang hinaharap nila, ay hindi naghahanap sa katotohanan. Sa halip, sinusuri nila ang lahat ng kapaligirang pinapamatnugutan ng Diyos batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon nila, at sa kung kapaki-pakinabang ito sa kanila o hindi. Palaging umiikot ang mga pagsasaalang-alang nila sa mga sarili nilang interes; palagi nilang iniisip kung gaano kalaki ang pakinabang na puwede nilang makamit, kung gaano matutugunan ang mga interes nila sa usapin ng mga materyal na bagay, pera, at kasiyahan ng laman; at palagi silang nagdedesisyon at palagi nilang tinatrato ang lahat ng isinasaayos ng Diyos batay sa mga salik na ito. At sa huli, pagkatapos pigain ang utak nila, pinipili nilang hindi magpasakop sa kapaligirang isinaayos ng Diyos bagkus ay takasan at iwasan ito. Dahil sa paglaban, pagtanggi, at pag-iwas nila, nilalayo nila ang sarili nila mula sa mga salita ng Diyos, napapalampas nila ang karanasan sa buhay, at nagdurusa sila ng mga kawalan, na nagdudulot ng pasakit at paghihirap sa puso nila. Habang lalo nilang kinokontra ang mga gayong kapaligiran, mas marami at mas matindi ang pagdurusang tinitiis nila. Kapag lumilitaw ang gayong sitwasyon, tuluyang nadudurog ang kaunting pananalig sa Diyos na mayroon sila. Sa sandaling ito, sabay-sabay na lumilitaw ang lahat ng kuru-kurong nangingibabaw sa puso nila: “Napakatagal ko nang ginugugol ang sarili ko para sa diyos, pero hindi ko inasahang tatratuhin ako ng diyos sa ganitong paraan. Hindi patas ang diyos, hindi niya mahal ang mga tao! Sinabi ng Diyos na ang mga gumugugol ng sarili nila para sa Kanya ay tiyak na pagpapalain nang lubos. Sinsero kong ginugol ang sarili ko para sa diyos, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagtiis ako ng mga paghihirap, at nagtrabaho ako nang husto—bakit hindi ako lubos na pinagpala ng diyos? Nasaan ang mga pagpapala ng diyos? Bakit hindi ko maramdaman o makita ang mga ito? Bakit hindi patas ang pagtrato ng diyos sa mga tao? Bakit hindi tinutupad ng diyos ang salita niya? Sinasabi ng mga tao na tapat ang diyos, pero bakit hindi ko ito maramdaman? Kung hindi isasaalang-alang ang iba pang bagay, kung tungkol lang sa kapaligirang ito, hindi ko talaga naramdaman na tapat ang diyos!” Dahil may mga kuru-kuro ang mga tao, madali silang nalilinlang at nalilihis ng mga ito. Kahit kapag nagsasaayos ang Diyos ng mga kapaligiran para sa disposisyonal na pagbabago ng mga tao at para sa paglago nila sa buhay, nahihirapan silang tanggapin ito at nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Iniisip nilang hindi ito pagpapala ng Diyos at na hindi sila gusto ng Diyos. Naniniwala silang sinsero nilang ginugol ang sarili nila para sa Diyos, pero hindi tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Kaya, ang mga taong ito, na hindi naghahangad sa katotohanan, ay napakadaling nabubunyag sa pamamagitan ng iisang pagsubok ng isang maliit na kapaligiran. Kapag nabunyag na sila, sinasabi nila sa wakas ang pinakanais nilang sabihin: “Hindi matuwid ang diyos. Ang diyos ay hindi isang tapat na diyos. Bihirang natutupad ang mga salita ng diyos. Sinabi ng Diyos, ‘Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman.’ Nasaan ang katuparan ng mga salitang ito? Bakit hindi ko ito makita o maramdaman? Tingnan mo si Ganito’t ganyan: Simula nang manampalataya siya sa diyos, hindi niya tinalikdan o ginugol ang sarili niya para sa diyos tulad ng ginawa ko, ni hindi siya naghandog ng kasingdami ng sa akin. Pero nakapasok sa mga tanyag na unibersidad ang mga anak niya, tumaas ang ranggo ng asawa niya, umuunlad ang negosyo nila, at maging ang mga ani nila ay mas masagana kaysa sa iba. At ano ang nakamit ko? Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman!” Ang mga salitang ito ang tunay na iniisip ng mga taong ito, ang kanilang mga alituntunin sa pamumuhay. Puno sila ng mga kuru-kurong ito, puno ng mga kakatwang kaisipan at pananaw na ito, at puno ng mga pagsasaalang-alang sa mga pakinabang at transaksiyon. Ganito nila nauunawaan at naiintindihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang mga taimtim na layunin, ganito nila tinatrato ang mga bagay na ito. Samakatwid, sa mga kapaligirang mabusising isinaayos ng Diyos nang paulit-ulit, paulit-ulit nilang sinusukat ang Diyos at nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Kanya dahil sa mga kuru-kuro nila, at patuloy silang nabibigo at nagkakamali. Bukod dito, palagi nilang sinusubukang patunayan na tama ang mga kuru-kuro nila. Kapag naniniwala sila na ang mga kuru-kurong ito ay kumpirmado na at sapat nang ebidensya para basta-bastang suriin, husgahan, at kondenahin ang Diyos, nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro, dahil puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ang puso nila. Ano ang nakahalo sa mga kuru-kurong ito? Nakahalo rito ang mga reklamo, kawalang-kasiyahan, at hinanakit. Kapag puno sila ng mga bagay na ito, naghahanap sila ng mga pagkakataon para magbulalas. Umaasa silang makakahanap sila ng mga taong makikinig sa mga “inhustiyang” naranasan nila; gutso nilang ibulalas ang mga bagay na ito sa mga taong ito at ikuwento sa mga ito ang diumano’y hindi patas na pagtrato na “pinagdusahan” nila. Ganito lumilitaw sa buhay iglesia ang mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga taong ito, ganito nabubuo ang mga gayong kuru-kuro. Ang puso ng mga taong ito ay puno ng mga hinanakit, pagtutol, at kawalang-kasiyahan, pati na rin ng mga maling pagkaunawa at reklamo tungkol sa Diyos, at maging ng mga paghusga at pagkondena sa Diyos, na sa huli ay nagiging sanhi para mapuno ng paglapastangan ang puso nila. Natatakot silang hindi sila magkakamit ng mga pagpapala at kaya ayaw nilang umalis, kaya ipinapakalat nila sa mga tao ang mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos at ang kawalang-kasiyahan nila sa Kanya, at higit pa rito, ipinapakalat nila ang mga paghusga at pagkondena nila sa Diyos at ang mga paglapastangan nila sa Kanya. Ano ang nilalapastangan nila? Nilalapastangan nila ang Diyos, sinasabing hindi Siya patas sa kanila at hindi Niya sila binibigyan ng mga angkop at katumbas na gantimpala para sa ginawa nila. Hinuhusgahan nila ang Diyos dahil hindi Niya sila pinagkakalooban ng biyaya at malalaking pagpapala pagkatapos nilang maghandog at magsakripisyo. Hindi nila natanggap mula sa Diyos ang mga pangangailangang iyon ng laman—mga materyal na bagay, pera, at iba pa—na inasahan nilang matatanggap nila, kaya napupuno ng mga reklamo at hinanakit ang puso nila. Ang layon nila sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay, sa isang banda, para magbulalas at maghiganti, para makamit ang isang pakiramdam ng sikolohikal na balanse; at, sa kabilang banda, para hikayatin ang mas maraming tao na magkaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro tungkol sa Diyos, na nagiging sanhi para maging mapagbantay ang mga taong ito laban sa Diyos tulad nila. Kung mas maraming tao ang magsasabi, “Hinding-hindi na ulit kami mananampalataya sa diyos kailanman,” masisiyahan ang kalooban nila. Ito ang layon at natatagong dahilan sa likod ng pagpapakalat nila ng mga kuru-kuro.

Ano ang alituntunin sa pamumuhay ng mga taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ano ang kasabihang madalas nilang inuulit? Pagkatapos maranasan ang ilang bagay at hindi nila nakamit ang mga pakinabang na ninais nila, walang tigil nilang sinasabi sa sarili nila, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman.” Kahit pagkatapos sabihin ito, hindi nila nararamdaman na naibsan ang pagkamuhi nila o na nakamit nila ang layon nila. Kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon, anuman ang pinagbabahaginan ng iba, hindi nila ito matanggap. Kailangan nilang ulitin ang pariralang ito, inuulit ito nang ilang beses, higit pa nga sa sampung beses. “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman”—hindi ba’t puno ng kahulugan ang pariralang ito? May kuwento sa likod nito. Ano ang “pananampalataya” nila? Nanampalataya ba sila sa Diyos noon? Tunay bang pananalig ang kanilang pananampalataya noon? Mayroon ba itong pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha? (Wala.) Wala talaga. Puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Higit pa rito, puno sila ng mga hinihingi at kahilingan sa Diyos, nang walang anumang pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “pananampalataya” nila? “Nananampalataya ako na ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay. Nananampalataya ako na kaya akong protektahan ng diyos mula sa pang-aapi ng iba. Nananampalataya ako na kaya akong pahintulutan ng diyos na magtamasa ng kaginhawahan ng laman, mamuhay ng isang mabuti at masaganang buhay, at kaya niyang gawing payapa at kasiya-siya ang lahat ng bagay para sa akin. Nananampalataya ako na kaya ng diyos na pahintulutan akong makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng malalaking pagpapala, makatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay!” Pananampalataya ba ito? Wala ni isang bakas ng pagpapasakop sa “mga pananampalataya” na ito, at wala ni isa sa mga ito ang tumutugma sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ang mga pananampalatayang ito ay lubos na nagmumula sa perspektiba ng personal na pakinabang. Ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at gumagawa sa mga tao. Kailan sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na mamuhay nang masaya, mamuhay nang higit sa iba, o maging masagana at matagumpay, nang may walang-limitasyon na kinabukasan? (Hindi kailanman.) Kung gayon, bakit itinuturing nilang napakahalaga ng sarili nilang “pananampalataya”? Sinasabi pa nga nila na hinding-hindi na ulit sila mananampalataya sa Diyos kailanman. May anumang halaga ba ang pananampalataya nila? Tinatanggap ba ito ng Diyos? Wala silang bakas ng katotohanang realidad, walang bakas ng pagpapasakop sa Diyos, gusto lang nilang magkamit ng mga pagpapala, pakinabang, at bentaha mula sa Diyos, at tinatawag nila itong pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Ang mga ganitong tao ay puno ng mga kuru-kuro at nakatuon sa hangaring magkamit ng mga pagpapala. Hinding-hindi nila dinaranas ang gawain ng Diyos at hindi nila isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Ang layon at motibo ng lahat ng ginagawa nila ay ganap na para sa pakinabang ng sarili nilang laman. Pakiramdam nila na mabuti sila at itinuturing ang diumano’y pananalig nila sa Diyos bilang napakahalaga. Kung napakahalaga at napakamarangal ng pananalig mo sa Diyos, kung gayon ay bakit, kapag isinasaayos ng Diyos ang isang maliit na kapaligiran para sa iyo, hindi mo maunawaan ang katotohanan mula rito o magawang manindigan sa patotoo mo? Ano ang nangyayari dito? Kapag sinusubok ng Diyos ang pananalig mo, ano ang isinusukli mo sa Diyos? Posible bang ang gusto ng Diyos ay ang mga maling pagkaunawa, reklamo, at paglaban na isinusukli mo sa Kanya? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Malinaw na hindi. Samakatwid, ang katunayan na nagagawa ng mga taong ito na hayagang magpakalat ng mga kuru-kuro sa iglesia ay nagpapatunay ng isang bagay: Hindi nila kilala ang Diyos at lalong hindi sila sumasampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—sadyang hindi umiiral ang diyos na sinasampalatayanan nila. Kapag hayagang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang mga ganitong tao para ilihis at himukin ang mas maraming tao na sumama sa pagtutol, pagkondena, at paglapastangan nila sa Diyos, hindi nila namamalayan na hayagan nilang inaanunsiyo na hindi na sila mga tagasunod ng Diyos, hindi na sila mananampalataya, at hindi na sila mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Ang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hindi mga simpleng ideya o pahayag; sa halip, nagpapakalat sila ng mga kuru-kuro dahil nagtayo sila ng isang di-mabubuwag na harang sa pagitan nila at ng Diyos, dahil buo na ang pasya nila na ang paggamit sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para tratuhin ang Diyos, pangasiwaan ang ugnayan nila sa Diyos, at tratuhin ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ay tama at ang dapat na paraan nila ng pagsasagawa. Kapag hayagang nagpapakalat ng mga kuru-kuro sa buhay iglesia ang mga gayong tao, dapat ba silang limitahan? O, dahil sa mababa nilang tayog at mababaw na pundasyon, dapat ba silang bigyan ng kalayaang ipahayag ang mga pananaw nila at ng sapat na oras at espasyo para magsisi? Ano ang nararapat na gawin? (Ang angkop na gawin ay pigilan at limitahan sila.) Bakit angkop na pigilan at limitahan sila? Sinasabi ng ilang tao, “Kung lilimatahan mo sila at hindi mo sila hahayaang magsalita nang malaya, at titigil sila sa pananampalataya at pagdalo sa mga pagtitipon, hindi ba’t nakakapinsala iyon sa kanila? Nakakapanghinayang naman iyon! Hindi ba’t mas pipiliin ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao kaysa hayaang masadlak sa perdisyon ang isang tao? Maging ang nag-iisang nawawalang tupa ay dapat mahanap—pagkatapos ng lahat ng pagsisikap na hanapin ang nawawalang tupa, papayagan ba Niya itong mawala ulit?” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? (Dahil hindi tunay na nananampalataya sa Diyos ang mga gayong tao; nananampalataya lang sila sa Diyos sa pag-asang magkakamit sila ng mga pagpapala, at ang pananampalataya nila ay may halong mga dumi.) Sino ba ang walang halong mga dumi sa pananampalataya nila sa Diyos? Hindi ba’t mayroon ka ring ilang dumi? Wasto bang dahilan ito? Isaalang-alang ang pahayag mula sa mga gayong tao: “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman.” Anong uri ng mga salita ito? May anumang pagkakaiba ba ito sa paglapastangan ng mga walang pananampalataya, ng mga diyablo, at ni Satanas? (Wala.) Ano ang ipinahihiwatig ng pahayag na ito? “Wala na akong pananalig sa diyos. Noon, buong-puso akong nanampalataya at sumunod sa diyos, pero hindi ako pinagpala ng diyos. Sa halip, nagsaayos siya ng mga ganoong kapaligiran para pahirapan ako at para magkamali ako. Hindi talaga tumutugma ang sinasabi ng diyos sa ginagawa niya, kaya hindi na ako naglalakas-loob na manampalataya sa diyos! Napakahangal ko noon. Tinalikuran, ginugol ko ang sarili ko, at nagtiis ako ng napakaraming paghihirap para sa diyos, pero wala akong nakitang proteksiyon mula sa diyos nang maaresto at mausig ako ng malaking pulang dragon. Ang negosyo ng pamilya ko ay hindi rin naging kasing-unlad ng sa iba, hindi ako kumita ng kasingdami ng iba, at nanatiling may sakit ang mga magulang ko. Wala akong nakamit mula sa pananampalataya sa diyos sa loob ng napakaraming taon. Hindi ba’t sinabi ng diyos na lubos niyang pagpapalain ang mga tao? Anong mga pagpapala ang natanggap ko mula sa diyos? Hindi naman talaga natupad ang mga salita ng diyos, kaya hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman!” Ang pahayag na “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman” ay napakaraming nilalaman. Puno ito ng mga reklamo, kawalang-kasiyahan, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa madaling salita, matapos nilang magtiis ng paghihirap at gumugol ng kanilang sarili nang may mentalidad na puno ng pag-iilusyon, hindi sila pinagkalooban ng Diyos ng mga pagpapala nang ayon sa mga hinihingi nila, hindi rin sila sinuklian o ginantimpalaan ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, kaya hindi sila nasisiyahan at puno sila ng sama ng loob sa Diyos, at sa ilalim ng mga gayong kalagayan na nasabi nila ang pangungusap na ito. Hindi lumitaw ang pangungusap na ito kung saan lang; sa oras na sinabi nila ito, marami na silang naipakitang pag-uugali at pagpapamalas at nabunyag na sila. Ano ang problema sa ugnayan ng mga gayong tao sa Diyos? Ano ang pinakamalaking isyu sa ugnayan nila sa Diyos? Ito ay na hindi nila kailanman itinuring ang sarili nila bilang isang nilikha at hindi kailanman itinuring ang Diyos bilang ang Lumikha na dapat sambahin sa simula pa lang. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, tinrato na nila ang Diyos bilang isang punongkahoy ng pera, isang baul ng kayamanan; itinuring nila Siya bilang isang Bodhisattva na magliligtas sa kanila mula sa pagdurusa at sakuna, at itinuring ang sarili nila bilang tagasunod ng Bodhisattva na ito, ng idolong ito. Inisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay tulad ng paniniwala sa Buddha, na basta’t kumakain ka ng gulay, nagbibigkas ng mga kasulatan, at madalas na nagsisindi ng insenso at yumuyukod, makukuha nila ang gusto nila. Kaya, ang lahat ng kuwento na nangyari pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos ay naganap sa loob ng saklaw ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Wala silang ipinakitang anumang pagpapamalas ng isang nilikha na tumatanggap sa katotohanan mula sa Lumikha, ni wala silang ipinakitang anumang pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha tungo sa Lumikha; mayroon lang patuloy na paghingi, patuloy na pagkalkula, at walang tigil na paghiling. Sa huli, humantong ang lahat ng ito sa pagkasira ng ugnayan nila sa Diyos. Ang ganitong uri ng ugnayan ay transaksiyonal at hindi kailanman magiging matatag; darating ang panahon na tuluyang mabubunyag ang mga gayong tao. Kahit pa makilahok sila sa buhay iglesia, hindi magpalaganap ng mga kuru-kuro, at paminsan-minsang makipagbahaginan tungkol sa kung paano sila inakay ng Diyos, kung paano sila pinagpala ng Diyos, kung ano ang tinamasa nila, at iba pa, karamihan sa pinag-uusapan nila ay tungkol sa biyaya, kaligayahan, at mga pakinabang sa laman na natanggap nila mula sa Diyos. Ang mga diskusyong ito ay ganap na walang kaugnayan sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at ganap na walang anumang katotohanang realidad ang mga ito. Kapag paborable ang mga kalagayan, nagpapakita sila ng pananalig sa Diyos at pagmamahal sa Kanya, at pagtitiis at pagpapasensiya sa iba, lahat ng ito ay para makamit ang isang layon: para makamit ang lahat ng pagpapala ng Diyos. Kapag inaalis ng Diyos ang biyaya, mga pakinabang, at mga materyal na bentahang kanilang tinamasa, nabubunyag ang mga kuru-kuro nila. Ang mga taong ito, na nauudyukan ng pansariling interes at inuuna ang personal na pakinabang, ay nagagalit nang husto sa sandaling hindi nila natatanggap ang ninanais nila; nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro para ibulalas ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos, habang sinusubukan ding himukin ang mas maraming tao na makisimpatya sa kanila at tanggapin ang mga kuru-kuro nila tungkol sa Diyos. Dapat bang pigilan at limitahan ang mga gayong tao? (Oo.) Hindi sumasalamin sa ganap na pagkaarok sa katotohanan ang mga paksa, kaisipan, at pananaw na pinagbabahaginan nila, ni tumutulong sa mga tao na magpasakop sa Diyos at magkaroon ng tunay na pananalig sa Kanya. Sa halip, inilalayo ng mga ito ang mga tao mula sa Diyos, nagdudulot ang mga ito ng mga maling pagkaunawa, ng pagiging mapagbantay, at maging ng pagtatakwil sa Diyos, at nagdudulot sa mga nakikinig sa mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga taong ito na tahimik na magbigay ng babala sa kanilang sarili, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman,” gaya nila. Ito ang kaguluhang dulot sa iba ng mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga gayong tao.

2. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro Tungkol sa mga Salita at Gawain ng Diyos

Ang mga taong ito na nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay gumagamit ng sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, pati na rin ang diwa at disposisyon ng Diyos. Nananampalataya sila sa Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila, tinitingnan ang Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila, at pinagmamasdan at sinisiyasat nila ang bawat salitang sinasabi ng Diyos, ang bawat aytem ng gawaing ginagawa ng Diyos, at ang bawat kapaligirang isinasaayos ng Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila. Kapag umaayon ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro nila, pinupuri nila nang malakas ang Diyos, sinasabing matuwid ang Diyos, tapat ang Diyos, at banal ang Diyos. Kapag hindi umaayon ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro nila, at nagdurusa ng labis na kawalan ang mga interes nila, at nagtitiis sila ng matinding pasakit, kumikilos sila para itanggi ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang gawaing ginagawa Niya; nagpapakalat pa nga sila ng mga kuru-kuro para hikayatin ang mas maraming tao na magkaroon ng maling pagkaunawa at maging mapagbantay laban sa Diyos, sinasabi nila, “Huwag basta-bastang maniwala sa mga salita ng Diyos, at huwag ding basta-bastang isagawa ang mga salita ng Diyos; kung hindi, kung masasamantala ka at magdurusa ka ng mga kawalan, walang mananagot para dito,” at iba pa. Halimbawa, sabi ng Diyos, “Sa mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain”—hindi ba’t ang mga salitang ito ay ang katotohanan? Ang mga salitang ito ay isandaang porsiyentong ang katotohanan. Wala itong kapusukan o panlilinlang. Hindi mga kasinungalingan o mga ideyang matayog pakinggan ang mga ito, lalong hindi isang uri ng espirituwal na teorya ang mga ito—ang mga ito ay ang katotohanan. Ano ang diwa ng mga salitang ito ng katotohanan? Ito ay na dapat kang maging taos-puso kapag ginugol mo ang sarili mo para sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “taos-puso”? Kusang-loob at walang halong dumi; hindi nauudyukan ng pera o kasikatan, at tiyak na hindi para sa sarili mong mga layunin, pagnanais, at layon. Ginugugol mo ang sarili mo hindi dahil pinilit ka, o dahil nahikayat, nakumbinsi, o nahatak ka, sa halip, nagmumula ito sa loob mo, nang kusang-loob; bunga ito ng konsensiya at katwiran. Ito ang ibig sabihin ng pagiging taos-puso. Sa usapin ng pagiging handang gumugol ng sarili para sa Diyos, ito ang kahulugan ng pagiging taos-puso. Kung gayon, paano naipapamalas ang pagiging taos-puso sa mga praktikal na paraan kapag gumugugol ka ng sarili mo para sa Diyos? Hindi ka nagsisinungaling o nandaraya, hindi ka nanlalansi para makaiwas sa gawain, at hindi mo ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta; inilalaan mo ang buong puso at isipan mo, ginagawa ang lahat ng makakaya mo, at iba pa—masyadong marami ang detalye, na hindi na mababanggit ang lahat dito! Sa madaling salita, ang pagiging taos-puso ay kinapapalooban ng mga katotohanang prinsipyo. May pamantayan at prinsipyo sa likod ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ihahandog ko ang pagiging taos-puso ko at ang lahat ng kakarampot na ipon ko sa pananampalataya sa diyos, magkakamit ba ako ng higit pa? Kung magkakamit ako ng higit pa, sulit na ihandog ang lahat!” Pagkatapos nilang maghandog, nakikita nilang hindi sila pinagpapala ng Diyos at pinagbubulayan nila ito, iniisip nila: “Marahil hindi pa sapat ang inihandog ko, kaya maghahandog ako ng higit pa. Lalabas ako at ipapangaral ko ang ebanghelyo.” Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap habang nangangaral ng ebanghelyo, nagdarasal sila. Minsan, kapag hindi sila nakakakain o nakakatulog nang maayos, patuloy pa rin sila sa pagdarasal. Iniisip nila, “Sinabi ng Diyos na ang mga taong taos-pusong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos ay tiyak na labis na pagpapalain. Siguro ay hindi pa sapat ang pagiging taos-puso ko, kaya mas magdarasal pa ako.” Sa pagdarasal, nagkakamit sila ng pananalig at hindi nila alintana ang pagtitiis ng kaunting paghihirap. Nagsisimula talaga silang makakita ng ilang resulta mula sa pangangaral ng ebanghelyo at iniisip nila, “Ngayon ay medyo taos-puso na ako. Magmamadali akong umuwi para tingnan kung gumanda na ba ang buhay ng pamilya ko, kung gumaling na ba ang sakit ng anak ko, at kung maayos na ba ang takbo ng negosyo ng pamilya ko—kung may mga pagpapala ba mula sa Diyos o wala.” Ito ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? (Hindi.) Ano ito? (Isang transaksiyon.) Ito ay paggawa ng kasunduan sa Diyos. Ginagamit nila ang sarili nilang mga pamamaraan at ang itinuturing nilang pagiging “taos-puso” na batay sa mga kuru-kuro nila para gawin ang gusto nila, at para matamo ang ninanais nila mula roon. Patuloy nilang ginagamit ang pagiging “taos-puso” na nauunawaan nila para patunayan ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, palaging inuusisa kung ano ba ang balak na gawin ng Diyos, kung ano na ang Kanyang nagawa, at ano ang hindi pa Niya nagagawa, at palagi nilang hinuhulaan kung pagpapalain ba sila ng Diyos o hindi, at kung balak ba Niyang pagpalain sila nang lubos. Patuloy nilang kinakalkula ang inihandog nila at kung gaano karami ang dapat nilang makamit, kung ibinigay na ba iyon ng Diyos sa kanila, at kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos. Palagi silang naghahanap ng mga katunayan para masubok ang pahayag ng Diyos. Habang ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, palagi nilang gustong patunayan kung totoo ba ang mga salita ng Diyos. Ang layon nila ay alamin kung makakamit nila ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos. Palagi nilang sinusubok ang Diyos, palaging gustong makita ang mga pagpapala ng Diyos sa kanila para makumpirma ang Kanyang mga salita. Kapag nakita nila na hindi madaling natutupad ang mga salita ng Diyos gaya ng inakala nila, at mahirap patunayan ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, lalo pang lumulubha ang mga kuru-kuro nila tungkol sa Diyos. Kasabay nito, nagsisimula silang maniwala nang husto na hindi lahat ng salitang sinasabi ng Diyos ay tiyak na ang katotohanan. Nang natatago ito sa puso nila, sinisimulan nilang pagdudahan at kwestyunin ang Diyos, madalas silang nagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Paminsan-minsan, ang mga taong ito, na puno ng mga kuru-kuro ang puso, ay nagbubunyag ng ilang kuru-kuro nila tungkol sa Diyos habang namumuhay ng buhay iglesia at nakikisalamuha sa mga kapatid. Nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at ginagamit din nila ang mga kuru-kuro nila para sukatin ang gawain ng Diyos. Kapag ang gawain ng Diyos ay palaging hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila at ganap na taliwas sa mga inaasahan nila, ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro nila para ibulalas ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na malapit nang matapos ang Kanyang gawain, at dapat talikuran ng mga tao ang lahat ng bagay para sumunod sa Diyos at gugulin ang sarili nila para sa Kanya, makipagtulungan sa gawain ng Diyos, at huwag nang maghangad ng mga makamundong kinabukasan, ng isang matiwasay na sambahayan, at iba pang mga gayong bagay. Pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, patuloy na gumagawa ang Diyos ng maraming gawain. Lumilipas ang tatlo, lima, pito, o walong taon, at nakikita ng ilang tao na patuloy pa ring umuusad ang gawain ng Diyos, nang walang mga senyales na malapit nang matapos ang Kanyang gawain o na parating na ang malalaking sakuna at nakasumpong na ng kanlungan ang lahat ng mananampalataya. Iyong mga gumagamit ng mga kuru-kuro nila para sukatin ang gawain ng Diyos ay hindi na makapaghintay na matapos agad ang gawain ng Diyos para makabahagi ang mga mananampalataya sa magagandang pagpapala ng Diyos. Pero hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan; hindi Niya isinasakatuparan ang usaping ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Iyong mga hindi makapaghintay ay hindi mapakali at nagsisimulang mag-alinlangan, sinasabi nila: “Hindi ba’t malapit nang matapos ang gawain ng diyos? Hindi ba’t dapat ay matapos na ito sa madaling panahon? Hindi ba’t sinabi ng diyos na parating na ang malalaking sakuna? Bakit gumagawa pa rin ng napakaraming gawain ang sambahayan ng diyos? Kailan ba mismo matatapos ang gawain ng diyos? Kailan ba ito magwawakas?” Ang mga taong ito ay wala ni katiting na interes sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Wala silang interes sa pagsasagawa sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, o pagtakas mula sa impluwensiya ni Satanas para makamit ang kaligtasan. Partikular lang silang interesado sa mga bagay tulad ng kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung buhay o kamatayan ba ang kalalabasan nila, kung kailan sila makakapasok sa kaharian para magtamasa ng mga pagpapala, at kung ano ang magiging hitsura ng magagandang tanawin ng kaharian. Ang mga ito ang pinaka-inaalala nila. Samakatwid, pagkatapos magtiis sa loob ng ilang panahon at makita na hindi pa rin nagbabago ang langit at lupa, at na nagpapatuloy nang normal ang mga bansa sa mundo, sinasabi nila, “Kailan ba magkakatotoo ang mga salitang ito ng diyos? Ilang taon na akong naghihintay—bakit hindi pa nagkakatotoo ang mga ito? Talaga bang magkakatotoo ang mga salita ng diyos? Tapat ba ang diyos sa kanyang salita o hindi?” At kaya ang mga taong ito ay nawawalan ng pasensiya, hindi mapakali, at nagsisimulang maghanap ng mga pagkakataong bumalik sa mundo para mamuhay ng sarili nilang mga buhay.

Ang gawain ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay palaging lampas sa mga imahinasyon ng tao at palaging higit pa sa mga kuru-kuro ng tao. Gaano man subukan ng mga tao, hindi nila maarok o masukat ang mga ito. Hindi nila alam kung ano ba talaga ang mga pamamaraan ng gawain ng Diyos o kung ano ang mga layon na balak nitong makamit, kaya sa huli, nagsisimula nang magduda ang ilang tao: “Talaga bang umiiral ang diyos? Nasaan ba talaga ang diyos? Patuloy na nagpapahayag ang diyos ng mga katotohanan, pero hindi ba’t masyado nang marami ang Kanyang ipinapahayag? Hindi ba’t sinabi ng diyos na dadalhin niya tayo sa kaharian niya? Kailan ba tayo makakapasok sa kaharian ng langit? Paanong hindi pa nagkakatotoo o natutupad ang mga bagay na ito? Ilang taon pa kaya ang bibilangin? Palaging sinasabi na nalalapit na ang araw ng diyos, pero ilang taon nang binabanggit ang ‘nalalapit na’ na ito—bakit napakalayo pa nito at tila walang katapusan?” Hindi lang sila nag-iisip sa ganitong paraan, kundi ipinapakalat pa nila ang mga pagdududang ito kung saan-saan. Anong problema ang ipinapahiwatig nito? Bakit, pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti? Bakit palagi nilang ginagamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para limitahan ang gawain ng Diyos? Bakit hindi nila magawang tingnan ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos? Makukumpirma ba nila ang pag-iral ng Diyos at makakapagtukoy ba sila ng landas tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos? Nauunawaan ba nila na ang lahat ng salitang ito na sinasabi ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay para iligtas ang mga tao? Nauunawaan ba nila na tanging sa pagkamit sa katotohanan at kaligtasan maaaring makamit ng mga tao ang lahat ng pagpapalang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan? Batay sa mga sinasabi nila at sa mga kuru-kurong ipinapakalat nila, malinaw na hindi nila nauunawaan sa diwa kung ano ba talaga ang ginagawa ng Diyos o kung ano ba talaga ang layon ng Diyos sa paggawa sa lahat ng gawaing ito at sa pagsasabi sa lahat ng salitang ito. Sadyang sila ay mga hindi mananampalataya! Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon at iraos lang ang mga bagay sa loob ng sambahayan ng Diyos nang napakaraming taon, ano ba ang nakamit nila? Hindi pa nga nila nakukumpirma kung umiiral ba ang Diyos, wala silang tiyak na sagot dito. Anong papel ang ginagampanan nila sa iglesia? Matapos magtrabaho nang ilang sandali nang hindi nagkakamit ng mga pagpapala, walang konsensiya silang nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis at guluhin ang iba. Ang mga bagay na kaswal nilang sinasabi ay mga paghusga laban sa Diyos at sa Kanyang gawain. Sinasabi ng ilan sa kanila, “Inakala ko noon na matatapos ang gawain ng Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon; hindi ko inasahan na hindi pa rin ito matatapos kahit sampung taon na ang lumipas. Kailan matatapos ang gawaing ito? Patuloy na isinusulat ang mga artikulo ng patotoo; patuloy ang paggawa ng mga video ng mga pagtatanghal ng himno at mga pelikula; patuloy na ipinapangaral ang ebanghelyo—kailan ito matatapos?” Tinanong pa nila ang iba: “Hindi ba’t ganito rin ang naiisip ninyo? Buweno, kahit ano pa ang iniisip ninyo, ganoon ang iniisip ko. Isa akong matapat na tao; sinasabi ko ang anumang nasa isipan ko, hindi tulad ng ilang tao na hindi sinasabi ang nasa isipan nila, at kinikimkim lang nila ang lahat ng ito.” Napaka-“matapat” naman pala nila, ang lakas ng loob nilang sabihin ang kahit ano! Ang mas malala pa, sinasabi nila, “Kung hindi pa matatapos agad ang gawain ng Diyos, maghahanap na lang ako ng trabaho, kikita ng kaunting pera, at mamumuhay ng sarili kong buhay. Sa lahat ng taon na ito ng pananampalataya sa diyos, napalampas ko ang napakaraming masarap na pagkain, magandang lugar, at materyal na kasiyahan! Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, nakatira na sana ako sa isang mansyon, may sariling kotse, at marahil ay nalibot ko na ang mundo nang ilang beses sa mga nagdaang taon. Kung magbabalik-tanaw ako, maganda naman ang buhay noong hindi pa ako nananampalataya sa diyos; napakasaya ko noon. Kahit medyo walang kabuluhan ito, natatamasa ko ang mga kasiyahan ng laman, nakakakain at nakakainom ako nang maayos, at nagagawa ko ang anumang gusto ko, nang walang anumang mga limitasyon. Sa mga taon na ito ng pananampalataya sa diyos, nagdusa ako nang husto, at masyado akong naging malupit sa sarili ko! Bagama’t nakamit ko ang kaunting katotohanan at mas nararamdaman ko ang kaunting kapanatagan sa puso ko, hindi mapapalitan ng mga katotohanang ito ang mga kasiyahan ng laman na iyon! Bukod dito, hindi kailanman natatapos ang gawain ng diyos, at hindi kailanman nagpapakita ang diyos sa mga tao, kaya hindi ko kailanman nararamdaman ang tunay na kapanatagan. Sinasabi nilang ang pag-unawa at pagkamit sa katotohanan ay nagdadala ng kapayapaan at kagalakan, pero ano ang silbi ng pagkakaroon ng kapayapaan at kagalakan? Wala pa rin akong kasiyahan ng laman!” Napakaraming beses nang sumagi sa isipan nila ang mga kaisipang ito, at inulit-ulit na nila ang mga ito sa sarili nila nang maraming beses. Kapag naniniwala silang may sapat na katwiran ang mga kuru-kuro nila para makapanindigan sila at nararamdaman nilang tama na ang panahon at sapat na ang kalipikasyon nila para usisain ang gawain ng Diyos, hindi nila mapigilang ipakalat ang mga komento at kuru-kurong binanggit sa itaas. Ipinapakalat nila ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos at ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa nila tungkol sa gawain ng Diyos, sinusubukan nilang ilihis ang mas maraming tao na magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang gawain. Siyempre, may ilan ding may mga lihim na motibo na gustong pigilan ang mas maraming tao na igugol ang sarili nila para sa Diyos, gusto nilang talikuran ng mga ito ang mga kasalukuyang tungkulin ng mga ito at itakwil ang Diyos; kung mabubuwag ang iglesia, para sa kanila ay ito ang pinakamainam na bagay sa lahat. Ano ang layon nila? “Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, wala ring sinuman sa inyo ang dapat na umasa pa. Guguluhin ko ang mga bagay-bagay para sa inyong lahat para wala sa inyo ang magkaroon ng pag-asa na makamit ang katotohanan o ang mga pagpapalang ipinangako ng diyos!” Dahil wala silang nakikitang pag-asa na magkakamit sila ng mga pagpapala, nawawalan na sila ng pasensiya na maghintay pa nang mas matagal. Hindi nila mismo nakakamit ang mga pagpapala, at ayaw din nilang makamit ng iba ang mga ito. Samakatwid, kapag nagpapakalat sila ng mga kuru-kuro, sa isang banda ay ibinubulalas nila ang kawalang-kasiyahan nila, nagrereklamo sila na walang anumang aspekto ng gawain ng Diyos ang umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at na ang pamamaraan ng Diyos sa paggawa ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng mga tao. Kasabay nito, gusto nilang ilihis at himukin ang mas maraming tao na magkamali ng pagkaunawa at magreklamo tungkol sa Diyos, magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at mawalan ng pananalig. Gusto nilang mas maraming tao ang tumalikod sa Diyos dahil sa mga maling pagkaunawa at kuru-kuro nila tungkol sa Kanya, tulad ng ginawa nila.

B. Paano Tratuhin ang mga Taong Nagpapakalat ng mga Kuru-kuro

Ano ang nagiging mga kahihinatnan kapag may isang tao sa iglesia na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at kawalang-kasiyahan sa Diyos? Direkta ba itong nakakaapekto sa mga resulta ng buhay iglesia? Nakakagulo ba ito sa normal na buhay iglesia at sa gawain ng iglesia? (Oo.) Nakakaapekto ito sa pananalig ng mga tao sa Diyos at sa kakayahan nilang gumawa ng mga tungkulin nila nang normal. Samakatwid, kailangang limitahan ang mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Kahit pa paminsan-minsan lang nilang binabanggit ang mga gayong bagay, kailangan silang limitahan at kilatisin; alamin kung anong uri ng pagkatao ang mayroon sila, kung ang pagpapakalat nila ng mga kuru-kuro ay dulot ba ng panandaliang pagkanegatibo at kahinaan o kung dahil ba ito sa isang isyu sa kalikasang diwa nila—kung palagi ba silang hindi naghahangad sa katotohanan at sadyang nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang mas maraming tao at guluhin at pinsalain ang buhay iglesia. Kung ito ay paminsan-minsang pagkanegatibo at kahinaan lang, sapat nang suportahan at tulungan sila sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Kung hindi nila pakikinggan ang payo at patuloy silang magpapakalat ng mga kuru-kuro at manggugulo sa buhay iglesia—na nagiging sanhi pa nga na maging negatibo at mahina ang iba, na nakakaapekto sa kakayahan ng mga ito na gawin nang normal ang mga tungkulin ng mga ito—nangangahulugan iyon na mga alipin sila ni Satanas at dapat silang paalisin ayon sa mga prinsipyo. Bakit hindi na lang sila bigyan ng isa pang pagkakataon? Sa tingin ninyo, ang mga gayong tao ba ay mga hindi mananampalataya? (Oo.) Anuman ang pagkatao nila, ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga hindi mananampalataya ay tulad ng mga panirang damo sa gitna ng trigo—dapat silang bunutin. Kung nagpapakita lang sila ng ilang pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya at hindi sila nagdulot ng mga panggugulo sa buhay iglesia, at kaya pa rin nilang magsilbi bilang mga kaibigan ng iglesia at magserbisyo, puwede silang hayaan. Pero iyong mga palaging nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay palaging nagpapahayag ng mga pananaw at komento ng mga hindi mananampalataya. Hindi lang sila kaswal na nagsasabi ng mga bagay-bagay; ang layon nila ay mang-udyok, manlihis, at manghimok ng mas maraming tao na lumayo sa Diyos. Ang layunin nila ay: “Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, hindi na ako mananampalataya. Wala sa inyo ang dapat umasa na magkakamit kayo ng mga pagpapala, at hindi rin kayo dapat manampalataya! Kung patuloy kayong mananampalataya, paano kung magpursige kayo at huli ay magkamit kayo ng mga pagpapala balang araw—hindi ba’t malalagay ako niyon sa alanganin? Kapag nagkagayon, paano mapapanatag ang kalooban ko? Hindi puwede iyon. Para maiwasan ang pagsisisi sa hinaharap, guguluhin ko kayo at sisirain ko ang pananalig ninyo, uudyukan ko kayong lumayo sa diyos, ipagkanulo ang diyos, at lisanin ang iglesia kasama ko—iyon ang pinakamainam.” Ito ang layon nila. Hindi ba’t dapat na paalisin ang mga gayong hindi mananampalataya? (Oo.) Dapat silang paalisin. Kung may ilang hindi mananampalataya na tumigil sa pananampalataya, babawiin lang ng iglesia ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos at aalisin na sila sa listahan. May ibang mga hindi mananampalataya na may kaunting positibong damdamin tungkol sa pananampalataya sa Diyos at sa mga mananampalataya. Hindi sila gumaganap ng positibo, mapagpatibay na papel sa iglesia; paminsan-minsan lang silang tumutulong bilang mga kaibigan ng iglesia. Ang mga gayong tao, kahit na hindi sila naghahangad sa katotohanan o nakikipagbahaginan sa katotohanan, ay hindi nagpapakalat ng mga kuru-kuro o nanggugulo sa buhay iglesia. Hangga’t kaya nilang magserbisyo nang kaunti, dapat silang payagang manatili sa iglesia at hindi sila kailangang paalisin. Gayumpaman, para naman sa mga hindi mananampalataya na palaging nagpapakalat ng mga kuru-kuro, hindi talaga sila dapat kaawaan. Ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos, ginugulo nila ang buhay iglesia at nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay mga alipin ni Satanas. May mga kuru-kuro sila; gayumpaman, hindi lang nila hindi hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito, kundi ipinapakalat pa nga nila ang mga kuru-kuro nila para ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ipinagkakanulo nila ang Diyos at gusto nilang hilahin ang ilan pang tao patungo sa kapahamakan kasama nila. Sa ganitong mga uri ng layunin nila ginugulo ang gawain ng iglesia. Mapapatawad ba sila ng Diyos? Hindi, hindi sila dapat palampasin. Hindi lang ito isang usapin ng pangangailangan na limitahan o ibukod sila; dapat silang alisin at tanggalin sa listahan magpakailanman, at hindi dapat maging maluwag sa kanila anuman ang mangyari!

Sa iglesia, ang ilang tao ay hindi kailanman naghahangad sa katotohanan at hindi kailanman nauunawaan kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Matapos makaranas ng ilang bagay, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa, paglaban, at reklamo sa Diyos; ang ilan sa mga bagay na sinasabi at ginagawa nila ay nagsisilbing pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hindi lang mga simpleng paglihis sa pagkaarok sa mga salita at gawain ng Diyos, o mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Mas malubha ang ilan, direktang itinatanggi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—lubos nilang hinuhusgahan at kinokondena ang Diyos. At ang ibang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hayagan pa ngang binabatikos at nilalapastangan ang Diyos. Hindi nila hinihimay o sinusubukang maunawaan ang sarili nilang katiwalian at paghihimagsik nang may pusong mapagpasakop, tumitindig mula sa perspektiba ng isang nilikha o tagasunod ng Diyos, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan at hindi sila nakikipagbahaginan tungkol sa pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos at sa pagkaarok nila sa Kanyang mga layunin. Ang mga kuru-kurong ipinapahayag nila ay eksaktong kabaligtaran ng mga positibong pagkaunawang ito. Kapag naririnig ng iba ang mga kuru-kuro nila, hindi sila nagkakamit ng pagkaunawa sa Diyos, ni hindi sila nagkakaroon ng tunay na pananalig, at siyempre, hindi rin lumalago ang pananalig nila sa Diyos. Sa halip, ang pananalig nila sa Diyos ay nagiging malabo, humihina, o lubos nang nawawala. Kasabay nito, nagiging malabo sa kanila ang pangitain ng gawain ng Diyos. Habang mas nakikinig ang mga tao sa mga kuru-kurong ipinapakalat nila, lalong naguguluhan ang puso ng mga taong ito, maging hanggang sa puntong hindi na malinaw sa kanila kung bakit sila dapat manampalataya sa Diyos, at nagsisimula silang magduda kung umiiral ba ang Diyos. Kung ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kung ang mga salita at gawain ng Diyos ay makapagdadalisay at makapagliligtas sa mga tao, at iba pang mga gayong usapin—nagiging malabo at kaduda-duda sa mga taong ito ang lahat ng ito. Kapag naririnig ng mga tao ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ipinapakalat ng mga gayong indibidwal, nagsisimula silang magduda at maging mapagbantay laban sa Diyos; sinisimulan nilang limitahan ang Diyos sa puso nila, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos, at lumalayo pa nga ang loob nila sa Diyos. Napakalaking problema nito. Sa sandaling magkaroon sila ng ganitong mga negatibo at mapaminsalang kaisipan, pananaw, plano, at disenyo, nagiging malinaw na ang mga impormasyon at komentong kanilang tinanggap ay hindi naaayon sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, at lalo na sa katotohanan—isandaang porsiyentong tiyak na nagmula kay Satanas ang mga ito. Anuman ang mga layunin o motibo ng mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro, kung sinasadya man nila o hindi na magpakalat ng mga panlilinlang at walang-basehang tsismis, basta’t nakakapagdulot sila ng masamang epekto sa iglesia, dapat silang limitahan. Siyempre, kung matutuklasan at makikilatis ang mga gayong tao sa labas ng buhay iglesia, dapat din silang pigilan at limitahan kaagad. Kung ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan ay magagamit ang mga salita ng Diyos o ang sarili niyang pagkaunawa para pabulaanan at ilantad iyong mga nagpapakalat ng mga gayong bagay, tinutulungan ang mga kapatid na makilatis ang mga ito, mas lalong mainam ito. Ito ay paglaban kay Satanas. Kung wala kang tayog, dapat kang matutong kumilatis at umiwas sa kanila. Kung may tayog ka, dapat mo silang ilantad. May lakas ka ba ng loob na gawin ito? Alam mo ba kung paano ito gawin? Ito ang pinakanagbubunyag kung taglay ba ng isang tao ang katotohanang realidad. Kapag naririnig ng ilang bagong mananampalataya ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ipinapakalat ng mga gayong tao tungkol sa Diyos, nagugulat sila at sinasabi nila, “Paano nagagawa ng isang taong nananampalataya sa Diyos na magsalita nang ganito?” Kung maririnig ng mga taong walang pundasyon ang mga kuru-kuro at panlilinlang na ito, magiging negatibo at mahina ba sila? Tatanggapin ba nila ang mga panlilinlang na ito? Malilihis ba sila at lilisanin ba nila ang iglesia? Posible ang lahat ng ito. Kapag sinabi ng isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman,” anuman ang kalagayan niya noong sinabi niya ito, ipinapahiwatig nito na ganap na siyang nawalan ng pananalig sa Diyos at isa na siyang hindi mananampalataya. Anuman ang layon niya sa pagpapakalat ng mga gayong salita, magkakamit ka ba ng anumang pagpapatibay mula sa pakikinig sa kanya? (Hindi.) Kapag mahina ka at narinig mo ang mga salitang ito, maaaring maramdaman mo, “Nauunawaan ng taong ito ang kirot na nadarama ko; kapag tinatalakay niya ang mga kuru-kuro niya, parang binibigyang-boses niya ang mga kaloob-looban kong kaisipan.” Gayumpaman, kung maririnig ang mga ito ng isang taong may pananalig, iisipin nito, “Labis itong mapanghimagsik! Paano nagagawang sabihin ang mga gayong salita? Hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Hindi ako mangangahas na sabihin ang mga gayong bagay, dahil sumasalungat ito sa disposisyon ng Diyos!” Ang katunayang nagagawa niyang ipakalat ang mga kuru-kurong ito ay nagpapahiwatig na matagal nang nabuo at nag-ugat na sa puso niya ang mga ideyang ito. Kung ang mga gayong ideya ay nagsisimula pa lang mabuo at nasa yugto pa ng pag-usbong, at hindi pa ganap na nagiging mga kuru-kuro, hangga’t hindi niya ito binibigkas at hindi siya nanlihis o nanggulo ng iba, ipinapakita nito na mayroon siyang kaunting katwiran; kaya niyang maging maingat sa pagsasalita at sa gayon ay maiwasan ang kahihinatnan na mapaalis. Pero kung magsasalita siya at guguluhin niya ang buhay iglesia, hindi na siya puwedeng pakitaan ng higit pang konsiderasyon; dapat siyang ilantad at paalisin. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at walang kakayahang makaarok sa katotohanan ay madaling magkaroon ng mga kuru-kuro nang madalas. Gayumpaman, iyong mga madalas magbasa ng mga salita ng Diyos at may kakayahang makaarok ay hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro nila, kahit pa lumitaw ang mga ito. Ibinubunyag at itinitiwalag ng gawain ng Diyos iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro; sila ay mga taong hinding-hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi kayang tanggapin ang katotohanan, lahat sila ay tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Walang duda ang lahat ng ito.

Sa buhay iglesia sa iba’t ibang bansa at lugar, tiyak na umiiral ang isyu ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro dahil ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay laganap saanman. Iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, iyong mga tutol sa katotohanan, iyong mga naghahangad ng kasiyahan ng laman, gayundin ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at iba pa, dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, ay palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang puso nila ay puno ng mga kuru-kuro, puno ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos at ng mga hinihingi sa Kanya, at hindi nila dalisay na maarok at maunawaan ang bawat salitang sinasabi ng Diyos; nauunawaan lang nila ang mga ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro, kagustuhan, at maging sa mga personal nilang pakinabang at kawalan. Ang puso nila ay puno ng iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at di-makatwirang mga hinihingi sa Diyos, pati na rin ng iba’t ibang maling pagkaunawa at paghusga sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, natural lang para sa mga taong ito na magpakalat ng mga kuru-kuro—hindi na ito bago. Hangga’t umiiral ang mga gayong tao, magaganap paminsan-minsan at maaaring mangyari anumang sandali ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Kapag hindi umaayon sa mga kuru-kuro at kahilingan nila ang isang bagay na sinasabi o ginagawa ng Diyos, at kapag napipinsala nito ang mga interes nila, sumasabog sila sa galit at nagsisimulang magsalita para sa kapakanan ng sarili nilang mga interes at makipagtalo sa Diyos at sa Kanyang gawain. Palaging kumokontra sa katotohanan at sa Diyos ang mga taong ito, sinusuri at sinasayasat ang mga salita ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos. Patuloy nilang sinisiyasat at sinusuri kung tama ba ang mga salita at gawain ng Diyos, at gusto rin nilang makumpirma kung ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay umaayon sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Sa proseso ng pagpapatunay nila, labis silang nahihirapang makakuha ng mga tumpak na sagot; sa tingin nila, lalong napakahirap na matupad at magkatotoo ang mga salita ng Diyos. Samakatwid, marami silang nasasabi kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro nila anuman ang oras, lugar, o konteksto. Sa tuwing nakakaramdam sila ng kawalang-kasiyahan sa Diyos sa anumang paraan, sinusukat nila ang mga bagay ayon sa mga kuru-kuro nila. Kung hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila ang mga salita at gawain ng Diyos, agad silang nagpapahayag ng mga kuru-kuro nila. Inilalarawan natin ang ganitong uri ng pagpapahayag bilang pagpapakalat. Bakit ito tinatawag na “pagpapakalat”? Dahil ang mga bagay na ipinapahayag nila ay walang positibong epekto sa hinirang na mga tao ng Diyos, sa buhay iglesia, o sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, nagdudulot lang ang mga ito ng mga panggugulo, paggambala, at ng pinsala. Samakatwid, tumpak na tawaging “pagpapakalat” ang pagbigkas ng mga gayong komento.

Pagkatapos mong magkamit ng pangunahing pagkilatis tungkol sa isyu ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat mong himayin at kilatisin ang iba’t ibang maling kuru-kuro at komento ng mga tao batay sa katotohanan, at pagkatapos ay pangasiwaan at lutasin mo ang mga ito ayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, ang mga lider at manggagawa ay may hindi maiiwasang responsabilidad na lutasin ang mga gayong isyu. Kasabay nito, ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, pagkatapos makinig sa pagbabahaginang ito, ay may obligasyon at responsabilidad ding ilantad at himayin ang mga taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro at ang mga salita at pag-uugali nila. Kung wala kang lakas ng loob na pigilan o limitahan sila, puwede kang makipagbahaginan at makipagdebate sa kanila batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang nauunawaan mo. Ano ang layon ng gayong pakikipagdebate? Ito ay para bigyang-kakayahan iyong mga may mababang tayog at walang pagkaunawa sa katotohanan na mapagtanto kung kaninong mga salita ang naaayon sa katotohanan pagkatapos nilang makinig sa debate, sa halip na nakalilitong malihis ng mga kuru-kuro at panlilinlang na ipinapakalat ng ilang tao. Kapaki-pakinabang ito para sa hinirang na mga tao ng Diyos at para sa buhay iglesia. Kapag natuklasan na may isang taong nagsasabi ng mga salitang hindi naaayon sa katotohanan—mga kuru-kuro o panlilinlang man ng tao ang mga ito—dapat magkaroon ng debate. Nakakapagpatibay sa mga tao ang mga gayong debate. Sa pinakamababa, pagkatapos makinig sa mga debateng ito, makikita ng mga nanonood na ang mga salita niyong mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay talagang mga kuru-kuro nga; at mauunawaan nila kung aling mga aspekto ng mga kuru-kurong ito ang hindi naaayon sa katotohanan, kung ano ang diwa ng mga kuru-kuro, kung bakit hindi tumutugma sa katotohanan ang mga ito, kung bakit inilalarawan bilang mga kuru-kuro ang mga ito, kung bakit dapat limitahan ang mga taong nagpapakalat ng mga ito, at iba pa—nagagawa nilang magkaroon ng tumpak na kabatiran sa mga usaping ito, sa halip na malihis at mapaglaruan sa magulong paraan. Bagama’t ang mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga tao ay maaaring magdulot ng kaunting panggugulo at pinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa buhay iglesia, hindi naman talaga masama para sa mga tao ang pagdanas sa mga bagay na ito. Sa pinakamababa, tinutulutan sila nitong lumago sa pagkilatis, makita kung ano ang mga tunay na kulay ng mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro, makita kung anong mga disposisyon ang ibinubunyag nila kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro, at makita ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kuru-kurong ipinapakalat nila at ng katotohanan. Sa isang banda, makikilatis ng mga tao ang mga komentong ito at magkakaroon sila ng depensa laban sa mga ito. Sa kabilang banda, magkakaroon din sila ng kaunting pagkilatis sa mga gayong tao, at malalaman nila kung anong mga uri ng mga salita ang sinasabi ng mga hindi mananampalataya, ng mga taong hindi talaga nagtataglay ng anumang katotohanan at madalas na nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at malalaman nila na hindi tunay ang pananalig nila—sa pinakamababa, kayang makamit ng mga tao ang ganitong uri ng pagkilatis. Siyempre, kung hindi mo pa nararanasan ang mga isyung ito, huwag kang magdasal nang walang pakundangan, sinasabing, “O Diyos, pakiusap, magsaayos Ka ng isang kapaligiran para sa akin para makita ko kung ano ang ibig sabihin ng ‘mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga tao.’” Ang masaksihan ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi isang laro at madali nitong maidudulot na malihis ka. At kapag nangyari nga ang mga bagay na ito, dapat mong pangasiwaan ang mga ito nang tama. Huwag hayaang makalampas ang mga ito o iwasan ang mga ito; harapin ang mga ito nang tama, at harapin ang bawat kapalagirang isinaayos ng Diyos para sa iyo nang may seryoso at mahigpit na saloobin. Ito ang dapat na maging saloobin ng isang taong naghahangad sa katotohanan para matamo ang katotohanan. Kapag nakatagpo mo ang isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat kang matutong magdasal sa Diyos: “O Diyos, pakiusap, samahan Mo ako, liwanagan Mo ako, at gabayan Mo ako, para makilatis ko ang mga salitang ito at ang ganitong uri ng tao, at bigyang-kakayahan Mo rin ako na matukoy kung mayroon ako sa loob ko ng anuman sa mga kuru-kuro ng mga taong ito.” Pagkatapos magdasal, humayo ka at danasin mo ang usaping ito. Siyempre, ito rin ang oras na susubukin ka kung gaano karami sa katotohanan ang talagang nauunawaan mo at kung gaano kataas ang tayog mo. Kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang isang tao, kung marinig mo sila at wala kang anumang panloob na reaksiyon o kaisipan, at sa halip ay para ka lang isang radyo—tinatanggap ang anumang kuru-kurong ipinapahayag at ipinapakalat nila, nang walang anumang paglaban o kakayahang tanggihan ang mga ito, at lalo nang walang anumang kakayahang kilatisin ang mga ito—hindi ba’t napakalaking problema nito? Ang ilang tao, kapag naririnig nila ang isang taong nagpapahayag ng mga kuru-kuro, nararamdaman nila sa puso nila na mali ang sinasabi, at gusto nilang makipagbahaginan at makipagdebate sa taong iyon, pero hindi nila alam kung paano ipapahayag nang wasto ang sarili nila, o kung paano ilalantad at kikilatisin ang taong iyon. Natatakot din sila na kung hindi sila makakapagdebate nang epektibo, mamumula ang mukha nila, at kapag natalo sila sa huli, mapapahiya sila at hindi sila makakaalis sa isang nakakaasiwang sitwasyon. Gayumpaman, ayaw rin nila itong bitiwan nang hindi nakikipagdebate, iniisip nila: “Ang dami ko nang napakinggan na sermon at marami-rami akong nauunawaan, kaya bakit wala akong maisip na mga salita para pabulaanan ang mga sinasabi niya? Wala akong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at may tunay akong pananalig sa Diyos, kaya bakit hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay ngayong oras na para pabulaanan ang mga panlilinlang nila?” Pinapanood nilang magsalita nang magsalita ang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, habang lalong nagiging kahindik-hindik at kasuklam-suklam ang mga salita nito, pero sadyang hindi nila mapabulaanan o mahimay ang mga ito, at hindi nila magawang tumindig at ilantad ang mga ito, lalong hindi nila mapigilan ang mga ito, na labis na ikinababalisa at ipinag-aalala ng kalooban nila. Sa sandaling ito lang nila natutuklasan na masyadong mababa ang tayog nila at nakikita na ang pagkaunawa nila sa katotohanan ay hindi pa nagiging isang kompleto at tamang pananaw, na ito ay ilang hiwa-hiwalay na parirala lang, nakakalat na pira-pirasong bahagi ng liwanag at mga ideya, at hindi talaga tunay na kaalaman sa katotohanan. Alam na alam nila na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at nanlilihis ng mga tao ang taong ito, at na isa itong hindi mananampalataya, at gusto nila itong ilantad at pabulaanan ang mga pananaw nito, sadya lang na wala sila ng angkop at makapangyarihang wika para gawin iyon. Nagagawa lang nilang sabihin, “Mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos; kailangan mo itong tanggapin. Banal at perpekto ang Diyos; hinding-hindi Siya tulad ng sinasabi mo. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang mga tao ay mga nilikha. Dapat silang magpasakop sa Diyos. Hindi natatalo ang mga tao sa pagpapasakop sa Diyos.” Nagagawa lang nilang bigyang-boses ang mga mapagpaimbabaw na teoryang ito na hindi naman talaga tumutumbok sa mahahalagang punto. Pagkatapos maranasan ang mahalagang pangyayaring ito, napagtatanto nila na masyadong mababa ang tayog nila at iniisip nila, “Bakit labis akong walang kakayahan? Karaniwan naman, kaya kong magsalita nang magsalita tungkol sa mga engrandeng doktrina, nakakapagsalita ako nang napakahusay; kaya kong magsalita sa isang pagtitipon sa loob ng isang oras nang walang anumang problema, at magsulat ng tatlo hanggang limang pahina ng mga tala ng sermon nang hindi kumukurap, labis na may kumpiyansa sa aspektong ito. Pero kapag nahaharap sa isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro na gaya nito, hinuhusgahan at nilalapastangan ang Diyos nang gaya nito, bakit hindi ako alerto, bakit wala akong tugon? Bakit hindi ako makapagbigay ng makapangyarihang paglalantad at pagsagot?” Ano ang natutuklasan nila mula rito? Hindi ba’t napagtatanto nilang hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Mabuti o masamang bagay ba ang pagkakatantong ito? (Mabuti.) Sa wakas, natutuklasan nila ang aktuwal nilang tayog. Kung hindi nila nakaharap ang isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, maaaring isipin pa rin nila na sila ay may tayog, nakakaunawa sa katotohanan, may pagkilatis, may kakayahang maunawaan nang malinaw ang lahat ng bagay, mangaral ng iba’t ibang espirituwal na doktrina, at makipagbahaginan nang kaunti tungkol sa bawat katotohanan nang may malaking kaalaman. Gayumpaman, kapag nahaharap sa isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, kahit na alam nilang mali ito, hindi nila alam ang gagawin, wala silang magawa, at umuuwi silang talunan. Nakakahiya ba ito? Isa ba itong maluwalhating usapin? (Hindi.) Kaya, paano ito dapat lutasin? Kung wala ka ng mga tamang salita para pabulaanan sila, at gusto mo ring makaiwas sa kahihiyan at manindigan sa patotoo mo para ganap na mapahiya at matalo si Satanas, ano ang dapat mong gawin? Sasabihin Ko sa inyo ang isang epektibong pamamaraan: Kung nakikita mo na walang tigil silang nagpapakalat ng mga kuru-kuro, at ang karamihan ng tao ay walang pagkilatis at naiimpluwensiyahan nila, pero hindi mo sila matalo sa argumento, oras na para magpakita ng tapang; hampasin ang mesa at sabihin, “Tumahimik ka! Ano ba ang pinagsasasabi mo? Maaaring hindi kita kayang talunin sa argumento, pero alam kong isa kang hindi mananampalataya! Tingnan mo nga iyang sinasabi mo; may kahit isang salita ba na umaayon sa katotohanan? Napakaraming taon mo nang tinatamasa ang biyaya ng Diyos—kahit kailan ba ay nakapagsabi ka na ng isang salita ng papuri o patotoo para sa Diyos? May mga hinanakit ka laban sa Diyos; kung kaya mo, pumunta ka nang diretso sa ikatlong langit at direkta mong kausapin ang Diyos. Tigilan mo ang panggugulo rito. Ngayon, pormal kitang inuutusan na umalis!” Mangangahas ba kayong sabihin ito? Pagiging pabigla-bigla ba ito? (Hindi.) Ito ay paglalabas ng isang deklarasyon kay Satanas. Gawin lang ninyo ito. Sabihin ninyo sa kanila, “Umalis ka, ikaw na hindi mananampalataya! Napakarami mong tinamasa mula sa biyaya ng Diyos nang wala ka man lang isinusukli, ikaw na isang lapastangan na walang konsensiya; hindi ka karapat-dapat na maging tao!” Dalawang salita lang: “Umalis ka!” Ano sa palagay ninyo? Makapangyarihan ito, pero hindi ito dapat gamitin nang walang pakundangan. Hindi ninyo dapat sabihin ito sa mga bagong kapatid sa pananalig na hindi pa nakakaunawa sa katotohanan, pero para sa mga hindi mananampalataya at mga alipin ni Satanas, puwede kayong mag-utos nang ganoon nang walang awa: “Ito ang sambahayan ng Diyos, ang tahanan ng mga tunay na kapatid, ang tahanan ng mga sumusunod sa Diyos. Hindi ito ang tahanan ng mga diyablo at Satanas. Hindi kailangan dito ang mga diyablo at Satanas. Isa kang diyablo at isang Satanas, kaya umalis ka!” Angkop ba ito? (Oo.) Hindi ito ang pinakamainam na pamamaraan; ito ay dahil lang sa mababa pa ang tayog ninyo, dahil wala pa kayong sapat na tayog para makipaglaban kay Satanas, kaya itinuturo Ko sa inyo ang pamamaraang ito. Sa totoo lang, hindi ito ideyal. Ang ideyal na pamamaraan ay na—kung nauunawaan ninyo ang maraming katotohanan at may tunay kayong pananalig at kaalaman tungkol sa Diyos—kaya ninyo silang pabulaanan, at mapapabulaanan ninyo sila nang lubusan na sila ay sukdulang mapapahiya, kaya sa wakas, sasabihin nila sa lahat: “Hindi ko na kayang ipagpatuloy ang pananalig ko; masyado akong nahihiyang humarap sa sinuman sa inyo. Isa akong diyablo at isang Satanas; lilisanin ko na nang kusa ang iglesia.” Dahil wala pa kayo ng ganitong kakayahan ngayon, dapat ninyong tratuhin iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro ayon sa pamamaraang itinuro Ko sa inyo.

Alam na ba ninyo ngayon kung paano pangasiwaan iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro sa iglesia? Kaya na ba ninyong makilatis iyong mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang mga tao? (Oo.) Ano ang mga pangunahing uri ng pananalita na nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ang isang uri ay nakatuon sa mga salita ng Diyos, ang isa pa ay sa gawain ng Diyos, at ang isa pa ay sa disposisyon at diwa ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng pananalita ay mayroong bahagya lang—mga imahinasyon at maling interpretasyon tungkol sa Diyos—at mayroon ding matindi, tulad ng paghusga, pagkondena, at paglapastangan sa Diyos. Bukod sa mga ito, mayroon ding mga negatibo at mapanlabang komento ang mga tao—nagpapahayag ng mga bagay tulad ng mga reklamo, pagtutol, at kawalang-kasiyahan nila sa Diyos. Bilang buod, ang mga salitang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay pawang may kalikasan ng pagtutol, paghusga, pagkondena, at paglapastangan sa Diyos, at ang kahihinatnan ng mga ito ay nagiging mapaghinala at mapagbantay ang mga tao laban sa Diyos, nagkakamali sila ng pagkaunawa at lumalayo sa Diyos, at itinatakwil pa nga nila Siya. Dapat na madaling makilatis ang mga ito.

C. Ang mga Prinsipyo at Landas para sa Paglutas ng mga Kuru-Kuro

May ilang bagay pa rin tungkol sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro na kailangang pagbahaginan. Sinasabi ng ilang tao: “Dapat tayong magsagawa ng paglalantad at paghihimay sa panahon ng buhay iglesia pagdating sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro, at limitahan ito. Gayumpaman, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, malamang na magkaroon tayo ng iba’t ibang kuru-kuro; isa itong bagay na wala na sa kontrol natin. Kaya, pagdating sa mga kuru-kuro, anong uri ng landas ng pagsasagawa ang dapat nating sundan para makapagsagawa tayo nang tumpak, at hindi magdulot ng mga panggugulo at paggambala sa panahon ng buhay iglesia, makaapekto nang masama sa iba, o magdulot ng mga kawalan sa buhay ng ibang tao? Ano ang angkop na paraan ng pagkilos?” Hindi ba’t isang katunayan na may mga kuru-kuro ang mga tao? Hindi ba’t hindi ito maiiwasan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tanging ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ang magkakaroon ng mga kuru-kuro.” Tama ba ang pahayag na ito? Medyo tama lang ito. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay maaaring magkaroon din paminsan-minsan ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kapag nakakaranas sila ng mga espesyal na sitwasyon dahil, bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at bago sila magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, magkakaroon sila ng ilang kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos. Ang mga kuru-kurong ito ay ilang nakalilinlang na ideya ng tao na hindi tumutugma sa katotohanan. Maaaring tumutugma ang ilang kuru-kuro sa moralidad, pilosopiya, tradisyonal na kultura, mga etikal na teorya, at iba pa, at sa panlabas, maaaring tila tama ang mga ideyang ito. Gayumpaman, sadyang hindi tumutugma ang mga ito sa katotohanan at taliwas dito. Isa itong katunayan. Paano dapat harapin ng mga tao ang mga kuru-kurong ito? Bago hangarin ng mga tao ang katotohanan, marami na silang mga kuru-kuro sa loob nila; mga likas na kuru-kuro ang mga ito. Sa proseso ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, napakaraming bagong kuru-kuro ang lilitaw sa loob nila dahil sa mga pabago-bagong kapaligiran at iba’t ibang konteksto; mga natutunang kuru-kuro ang mga ito. Ang parehong uri ng mga kuru-kuro ay kailangang harapin ng mga tao sa landas nila ng pananampalataya sa Diyos. Kaya, may solusyon ba para sa paglutas ng mga kuru-kuro? May landas ba ng pagsasagawa? Sinasabi ng ilan, “Madali itong pangasiwaan. Maaari tayong maghimagsik laban sa mga likas nating kuru-kuro; hindi natin kailangang pakinggan ang mga ito. Sigurado tayo na sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, unti-unting malulutas at mawawala ang mga kuru-kurong ito habang nauunawaan natin ang katotohanan. Tungkol naman sa mga natutunang kuru-kuro, umaasa tayo sa Diyos para lutasin ang mga ito, at hindi rin tayo napipigilan ng mga ito. Kaya, hanggang ngayon, wala pa tayong nabubuong mga kuru-kuro sa puso natin na maaaring humantong sa mga bagay na tulad ng paglaban, pagkondena, o paglapastangan sa Diyos.” Kumusta ang ganitong pamamaraan ng pagsasagawa, ang ganitong paraan ng pagharap at pangangasiwa ng mga kuru-kuro? Maaari ba nitong malutas ang mga kuru-kuro? May mga kahinaan ba ito? Aktibo at positibo ba ang ganitong saloobin sa mga kuru-kuro? (Hindi.) May anumang positibong epekto ba ang saloobing ito sa mga tao? Kung gagamit ka ng isang pasibong pamamaraan kung saan binabalewala mo ang mga kuru-kurong ito, itinatago ang mga ito sa mga pinakatagong bahagi ng puso mo, ibinabaon ang mga ito at nagdarasal sa tuwing lumilitaw ang mga ito at pagkatapos ay iniisip mong nalutas na ang mga ito, pinapangasiwaan ang mga ito sa parehong paraan sa tuwing lumilitaw muli ang mga ito, at hindi na iniisip ang tungkol sa mga ito pagkatapos at kumikilos na parang hindi problema ang mga ito, naniniwala na, “Ano’t anuman, ang Diyos na sinampalatayanan ko ay ang Diyos ko pa rin, nilikha pa rin ako ng Diyos, at ang Diyos pa rin ang Lumikha sa akin; hindi ito nagbago”—ito ba ang pinakamabisang paraan para malutas ang mga kuru-kuro? Nagkakamit ba ito ng positibong resulta? Lubusan bang nilulutas ng ganitong uri ng pagsasagawa ang mga kuru-kuro mula sa pinakaugat? Malinaw na hindi. Gaano man kalaki o kaliit, o gaano man karami o kakaunti ang mga kuru-kurong ito, hangga’t umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao, magkakaroon ang mga ito ng negatibong epekto sa buhay pagpasok nila at sa ugnayan nila sa Diyos, na nagdudulot ng mga panggugulo. Lalo na kapag mahina ang mga tao; kapag nahaharap sila sa isang kapaligirang hindi nila malampasan; kapag hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, wala silang landas ng pagsasagawa, at hindi nila alam kung paano mapapalugod ang Diyos; at kapag nararamdaman nilang wala silang pag-asa na maligtas, ang mga kuru-kurong ito ay mabilis na lilitaw sa loob nila, mapapangibabawan ang isipan nila, sasakop sa puso nila, at maaari pa ngang makaapekto sa pananatili o paglisan nila, at makaimpluwensiya sa landas na pipiliin nila. Maaaring may isang kuru-kuro na hindi mo kailanman pinahalagahan at hindi ka kailanman naapektuhan o nalungkot dahil dito—palagi mong pinaniniwalaan na ikaw ang amo nito, na kaya mo itong kontrolin—pero pagkatapos maranasan ang isang partikular na kabiguan, pagtatanggal o pagtitiwalag, o matinding pagdidisiplina at pagtutuwid mula sa Diyos, o kahit kapag nararamdaman mo na parang nahulog ka sa isang walang-hanggang hukay, sa panahong iyon, ang kuru-kurong iyon ay hindi na lang isang palamuti para sa iyo. Kahit na balewalain mo ito, maaari itong makagulo at makalihis sa isipan mo, mapangibabawan pa nga ang mga kaisipan at pananaw mo, ang saloobin mo sa Diyos, at ang pananalig mo sa Diyos. Kung wala kang angkop na pamamaraan o prinsipyo ng pagsasagawa para harapin ang mga kuru-kurong ito, o kung wala kang malinaw na pagkaunawa sa mga ito, paulit-ulit na makakaapekto ang mga kuru-kurong ito sa buhay pagpasok mo o sa mga agarang desisyon mo. Maaari pa ngang makaimpluwensiya ang mga ito sa ugnayan at saloobin mo sa Diyos. Kaya, kapag nahaharap sa iba’t ibang kuru-kurong lumilitaw sa anumang konteksto, anong uri ng saloobin at pamamaraan ang dapat taglayin ng mga tao para harapin at pangasiwaan ang mga ito upang maiwasan ang pinsala at magkamit ng isang positibo, kapaki-pakinabang na resulta? Isa itong katanungang dapat malinaw na pagbahaginan.

May malayang kalooban at malayang pag-iisip ang mga taong namumuhay sa laman. Edukado man sila o hindi, gaano man kahusay ang kakayahan nila, o anuman ang kasarian nila, hangga’t may pag-iisip ang mga tao, magkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Kung papangibabawan ng isang kuru-kuro ang tiwaling disposisyon mo, tututulan mo ang Diyos dahil sa kuru-kurong ito. Samakatwid, dapat malutas ang problemang ito ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro ng mga tao. Hindi lang ang mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang nagkakaroon ng mga kuru-kuro; sadyang nagpapakalat lang sila ng mga kuru-kuro nila, walang pakundangang tumitindig nang laban sa Diyos at nagpapakalat ng iba’t ibang pananaw at paghusga tungkol sa Kanya. Pero, nangangahulugan ba ito na ang mga hindi nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay walang mga kuru-kuro? May mga kuru-kuro ang lahat ng tao; isa itong katunayan. Ang pagkakaiba ay na iyong mga sadyang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay may kalikasang diwa na likas na tutol sa katotohanan. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan at naniniwala pa nga silang tama at lubos na tumutugma sa katotohanan ang mga kuru-kuro nila, kung taliwas sa katotohanan ang mga kuru-kuro nila, pinipili nilang tanggapin ang mga kuru-kuro nila sa halip na ang katotohanan. Dito sila nabibigo at nililimatahan at kinokondena sila dahil dito. Kaya, bakit hindi kinokondena ang mga ordinaryo, normal na tao kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro? Ito ay dahil nagsasalita at kumikilos nang may pagkamakatwiran ang karamihan sa kanila, at alam nila sa puso nila na hindi tumutugma sa katotohanan at hindi tama ang mga kuru-kuro ng tao; bagama’t hindi nila agad malutas ang mga kuru-kuro nila, handa silang talikuran ang mga ito. Kapag pinipili nilang tanggapin ang katotohanan, mapapalitan at malulutas ng katotohanan ang mga panloob nilang kuru-kuro; binibitiwan nila ang mga kuru-kuro nila at hindi na sila naiimpluwensiyahan, nalilimitahan, o napapangibabawan ng mga ito. Kaya, ang mga taong ito, bagama’t may mga kuru-kuro sila, ay hindi ipinapakalat ang mga ito. Kaya pa rin nilang gawin ang mga tungkulin nila nang normal, sumunod sa Diyos nang normal, tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at magpasakop sa pagliligtas ng Diyos. Palagi nilang kinikilala na sila ay mga nilikha at ang Diyos ang Lumikha. Anuman ang mga kuru-kurong kinikimkim nila sa puso nila, kaya nilang magpanatili ng isang normal na ugnayan sa Diyos, panatilihin ang ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha, iwasang sukuan ang mga tungkulin nila, iwasang talikuran ang pangalan ng Diyos, at nananatiling hindi nagbabago ang pananalig nila sa Diyos. Bagama’t ganito ang kaso, kung hindi kailanman malulutas ang mga kuru-kuro, maaari pa ring sirain ng mga ito ang mga tao at humantong sa pagkawasak nila. Samakatwid, kailangan pa rin nating pagbahaginan ang tungkol sa kung paano pinakamahusay na harapin at lutasin ang mga kuru-kuro.

Ano sa tingin ninyo ang mas madaling lutasin: ang likas na mga kuru-kuro na mayroon ang mga tao bago manampalataya sa Diyos, o ang mga kuru-kurong nabubuo ng mga tao sa mga espesyal na kapaligiran at konteksto matapos nilang manampalataya sa Diyos? (Mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro.) Ang mga imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos noong una silang nanampalataya sa Kanya ay mas madaling lutasin, samantalang ang mga kuru-kurong nabubuo nila habang nararanasan nila ang gawain ng Diyos matapos nilang manampalataya sa Kanya ay hindi ganoon kadaling lutasin—isa itong teoretikal na pahayag, pero sa huli, hindi ito umaayon sa mga katunayan. Ano ang ibig sabihin ng “teoretikal”? Ibig sabihin, ang mga ganitong uri ng kongklusyon ay nabubuo ng mga tao batay sa pilosopiya at lohika. Pagkatapos unang magsimulang manampalataya ng mga tao sa Diyos at maunawaan ang katotohanan tungkol sa mga pangitain, nabibitiwan at nalulutas ang ilan sa mga kuru-kuro nila. Sa aktuwal, ang pagkalutas na ito ay nakakamit lang sa antas ng doktrina; tila nalutas na ang mga kuru-kurong ito, pero marami sa mga kuru-kurong nabubuo ng mga tao habang sumusunod sa Diyos ay may kaugnayan sa kanilang likas na mga kuru-kuro. Sa teorya, sa dalawang uri ng mga kuru-kurong ito, mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro, pero sa katunayan, hangga’t kaya ng mga tao na tanggapin ang katotohanan at mahalin ang mga positibong bagay, hangga’t nauunawaan nila ang katotohanan, parehong madaling lutasin ang dalawang uri ng kuru-kuro. Halimbawa, sinasabi ng ilan sa inyo na mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro, pero maaaring makatagpo kayo ng mga taong may mga baluktot na pagkaarok na napakatigas ng ulo at masyadong nakapako sa di-mahahalagang detalye, na nag-uusisa sa Bibliya, mga espirituwal na klasiko, at mga interpretasyon ng mga tagapagpaliwanag ng Bibliya. Inuulit sa iyo ng mga taong ito ang mga bagay na natutuklasan nila, at gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Hindi nila kayang tanggapin ang mga dalisay na sermon, ang katotohanan, o ang mga tamang salita; hindi nila tinatanggap ang mga bagay na ito kapag pinakikinggan nila ang mga ito. Sa isang banda, may problema sa kakayahan nilang umarok; sa kabilang banda, hindi nila mahal ang mga positibong bagay o ang katotohanan, sa halip ay mahilig silang maging matigas ang ulo at mapako sa di-mahahalagang detalye, at hilig nilang paglaruan ang wika, at mahilig sila sa mga teorya at teolohiya. Mabibitiwan ba ng mga gayong tao ang mga kuru-kuro nila? (Hindi.) Batay sa mga katunayan, mula sa disposisyon at mga kagustuhan ng mga gayong tao, hindi nila matanggap ang katotohanan. Ang mga inisyal na kuru-kuro ng mga tao ay talagang napakababaw at mapagpaimbabaw, napakadaling lutasin ng mga ito. Kung may normal na pag-iisip at normal na kakayahang umarok ang isang tao, kapag nakipagbahaginan ka sa kanya sa katotohanan tungkol sa mga pangitain, hangga’t nauunawaan niya ito, madali niyang mabibitiwan ang mga kuru-kuro niya. Pero may isang uri ng mga tao na walang normal na pag-iisip, hindi kayang umarok sa katotohanan, at hindi tinatanggap ang katotohanan. Kaya ba ng mga gayong tao na bitiwan ang mga kuru-kuro nila? (Hindi.) Samakatwid, mahirap lutasin ang mga kuru-kuro ng mga gayong tao. Kung ang isang tao ay may normal na katwiran at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, anuman ang mga kuru-kurong mabubuo niya tungkol sa Diyos matapos manampalataya sa Diyos, at sa anumang kapaligiran o konteksto lumilitaw ang mga kuru-kurong ito, hindi sila makikipagtalo sa Diyos. Sasabihin nila, “Tao ako, may mga tiwaling disposisyon ako, puwedeng maging mali ang pag-iisip at mga kilos ko. Ang Diyos ang katotohanan, hindi kailanman nagkakamali ang Diyos. Gaano man kamakatwiran ang mga kaisipan ko, ang mga ito ay mga kaisipan pa rin ng tao at hindi ang katotohanan. Kung taliwas ang mga ito sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, kung gayon, ang mga kaisipang ito, gaano man kamakatwiran, ay mali.” Maaaring hindi nila alam sa ngayon kung saan mismo mali ang mga kuru-kurong ito, kaya paano sila nagsasagawa? Nagsasagawa sila ng pagpapasakop, hindi matigas ang ulo nila at hindi sila nakapako sa mga partikular na detalye, at binibitiwan nila ang naturang usapin, naniniwalang darating ang araw na ibubunyag ito ng Diyos. Tinatanong sila ng isang tao, “Paano kung hindi ito ibunyag ng Diyos?” Sasagot sila, “Kung gayon, magpapasakop ako magpakailanman. Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos, at hindi kailanman mali ang ginagawa ng Diyos. Kung hindi tumutugma ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ibig sabihin nito na mali ang Diyos, kundi na hindi ito maarok o maunawaan ng mga tao. Samakatwid, ang pinakadapat na gawin ng mga tao ay huwag magsiyasat, huwag mapako sa mga kuru-kuro nila, at huwag gamitin ang mga kuru-kuro nila para hanapan ng mali ang Diyos, nang ginagamit ang mga kuru-kuro nila bilang dahilan at palusot para hindi magpasakop sa Diyos at para tutulan Siya.” Ganito nila tinatrato ang mga kuru-kuro nila. Ang ganitong uri ba ng pagsasagawa ay pagsasagawa sa katotohanan? Pagsasagawa nga ito sa katotohanan. Kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, hindi nila ikinukumpara ang Diyos sa mga ito o hindi nila ginagamit ang mga ito para siyasatin ang Diyos, para tiyakin kung totoo ba ang Diyos o kung umiiral ba Siya. Sa halip, binibitiwan nila ang mga kuru-kuro nila at sinisikap nilang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang Diyos. Pero kahit na sinusubukan nila ang lahat ng makakaya nila para kilalanin ang Diyos, hindi pa rin nila makilala ang Diyos. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Nagpapasakop pa rin sila. Sinasabi nila, “Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos. Ang Diyos ay palaging Diyos. Ang Diyos ang Siyang nagpapahayag sa katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan.” Inuuna nilang ilagay ang Diyos sa posisyon ng Diyos at ang sarili nila sa posisyon ng mga nilikha kapag nahaharap sila sa mga kuru-kurong ito. Samakatwid, bagama’t hindi pa nila isinasantabi o nalulutas ang mga kuru-kuro nila, hindi nagbabago ang saloobin nila ng pagpapasakop sa Diyos. Pinoprotektahan sila ng saloobing ito, tinutulutan silang manatiling kinikilala ng Diyos bilang mga nilikha sa harap Niya. Kaya, madali bang lutasin ang mga kuru-kuro ng mga gayong tao? (Oo.) Paano ito nakakamit? Ipaglagay nang nagsalita sila sa ganitong paraan nang maharap sila sa isang sitwasyon: “Ang pagsasabing ang lahat ng ginagawa ng diyos ay ang katotohanan at tama, na ang diyos ay makapangyarihan sa lahat at hindi puwedeng magkamali—hindi ba’t mali iyon? Bagama’t sinasabing hindi puwedeng magkamali ang diyos, isa lang itong teoretikal na pahayag. Sa katunayan, may ilang bagay na ginagawa ang diyos na walang pagsasaalang-alang at hindi umaayon sa mga damdamin ng tao. Sa tingin ko, hindi ganap na tama ang usaping ito. Para sa mga bagay na hindi ganap na tama, hindi ko kailangang magpasakop sa mga ito o tanggapin ang mga ito, tama ba? Kahit hindi ko itinatanggi ang pangalan ng diyos o ang pagkakakilanlan niya, ang mga kuru-kurong nabuo ko na ngayon ay nagbigay sa akin ng higit na kabatiran at mas mabuting pagkaunawa sa diyos—gumagawa rin ang diyos ng ilang bagay na mali at may mga pagkakataong nagkakamali siya. Kaya, mula ngayon, hindi ako maniniwala kapag sinasabi ng mga tao na ang diyos ay matuwid, perpekto, at banal. Lalagyan ko ng maliit na tandang pananong ang mga pahayag na ito. Bagama’t ang diyos ang lumikha at kaya kong tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan niya, sa hinaharap, kailangan kong piliin ang tatanggapin ko at hindi ako puwedeng magpasakop nang nalilito at bulag. Paano kung magkamali ako sa pagpapasakop? Hindi ba’t mawawalan ako? Hindi ako puwedeng maging isang taong nagpapasakop nang hangal.” Kung tatratuhin nila ang mga kuru-kuro at ang Diyos nang may ganitong saloobin, madali ba nilang mabibitiwan ang mga kuru-kuro nila? Ang ganitong uri ba ng pagsasagawa ay pagsasagawa sa katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t nagkakaroon ng problema ang ugnayan nila sa Diyos? Hindi ba’t palagi nilang sinisiyasat ang Diyos? Ang Diyos ang naging pakay ng pagsisiyasat nila sa halip na ang May Kataas-taasang Kapangyarihan na naghahari sa kapalaran nila. Bagama’t kinikilala nila na nilikha sila sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, ang ginagawa nila ay hindi paggampan sa mga tungkulin at obligasyon ng isang nilikha. Hindi nila tinatrato ang Lumikha mula sa orihinal nilang posisyon bilang isang nilikha, sa halip ay tumitindig sila nang kontra sa Lumikha, sinisiyasat nila ang Lumikha at sinusuri ang mga kilos at pag-uugali ng Lumikha, pinipili kung magpapasakop at tatanggap ba sila batay sa sarili nilang desisyon. Ang ganitong saloobin at paraan ba ng pagsasagawa ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang taong tumatanggap sa katotohanan? Malulutas ba ang mga kuru-kuro niya? (Hindi, hindi malulutas ang mga ito.) Hindi kailanman malulutas ang mga ito. Ito ay dahil naging baluktot ang ugnayan niya sa Diyos; hindi ito isang normal na ugnayan, hindi ito ang ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha. Itinuturing niya ang Diyos bilang isang pakay ng pagsisiyasat, palagi niyang sinisiyasat ang Diyos. Tinatanggap niya kung ano ang sa tingin niya ay tama at mabuti, pero sa loob niya ay lumalaban at nakikipagtatalo siya sa Diyos tungkol sa kung ano ang hindi tumutugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o sa mga kagustuhan ng tao, at napapalayo siya sa Diyos. Ang gayong tao ba ay isang taong tumatanggap sa katotohanan? Sa panlabas, kung walang anumang insidente at walang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos, kaya niyang magpasakop sa mga salitang sinasabi ng Diyos. Pero sa sandaling nagkaroon na siya ng mga kuru-kuro, nawawala ang pagpapasakop niya; hindi na ito makita, at hindi ito maisagawa. Ano ang nangyayari dito? Malinaw na hindi siya isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Hindi niya tinatanggap ang Diyos bilang ang pinagmumulan ng katotohanan o bilang ang katotohanan mismo. Mahirap para sa mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan na bitiwan o lutasin ang mga kuru-kuro nila, kailanman lumitaw ang mga kuru-kurong iyon.

Batay sa nilalaman ng pagbabahaginan sa itaas, sa palagay ninyo, anong uri ng kuru-kuro ang mas madaling lutasin? Depende ito sa sitwasyon. Para sa mga kayang tanggapin ang katotohanan, may katwiran at mga tamang tao, madaling malutas ang mga kuru-kuro nila kailan man lumitaw ang mga ito. Para sa mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan, mahirap lutasin ang mga kuru-kuro nila kailan man lumitaw ang mga ito. Nanampalataya ang ilang tao sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, pero kahit ngayon, wala sa mga sinasabi nila ang tumutugon sa katotohanan; lahat ng ito ay mga salita at doktrina at kuru-kuro lang ng tao. Wala talaga silang nauunawaan na anumang katotohanan—mabibitawan ba nila ang mga kuru-kuro nila kapag lumitaw ang mga ito? Mahirap sabihin. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila mabibitawan ang mga kuru-kuro nila. Hindi maiiwasang magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao. Ang isipan ng bawat tao ay pwedeng bumuo ng iba’t ibang kuru-kuro sa anumang oras, likas man ang mga ito o natutuhan. May mga kuru-kuro sa puso ng bawat tao, gaano man katagal na silang nananampalataya sa Diyos. Kaya ano ang dapat gawin? Sadya bang hindi malulutas ang problemang ito? Maaari itong malutas; may ilang prinsipyong dapat tandaan. Napakahalaga ng mga prinsipyong ito. Kapag nahaharap ka sa mga gayong sitwasyon, magsagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito. Pagkatapos magsagawa sa loob ng ilang panahon, makikita mo ang mga resulta, at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, ano man ang kuru-kuro, pagnilayan at suriin mo muna sa puso mo kung tama ba ang pag-iisip na ito. Kung malinaw mong nararamdaman na ang pag-iisip na ito ay hindi tama at baluktot, at na nilalapastangan nito ang Diyos, agad kang magdasal, hilingin sa Diyos na liwanagan at gabayan ka para makilala mo ang diwa ng problema, at pagkatapos, talakayin mo sa isang pagtitipon ang pagkaunawa mo. Habang nagtatamo ka ng pagkaunawa at dinaranas mo ang mga bagay-bagay, pagtuunan mo ang paglutas sa mga kuru-kuro mo. Kung hindi nagkakamit ng malilinaw na resulta ang pagsasagawa sa ganitong paraan, dapat kang makipagbahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan kasama ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan, magsikap na humingi ng tulong mula sa iba at ng mga solusyon mula sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ng mga karanasan mo, unti-unti mong mapapatunayan na tama ang mga salita ng Diyos, at makakamit mo ang malalaking resulta sa isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro mo. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas ng mga gayong salita at gawain ng Diyos, sa wakas ay mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman sa disposisyon ng Diyos, binibigyang-kakayahan ka na bitawan at lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa o magiging mapagbantay laban sa Diyos, ni gagawa ng mga kahilingan na walang katwiran. Ito ay para sa mga kuru-kurong madaling lutasin. Pero may isa pang uri ng kuru-kurong mahirap maunawaan at lutasin para sa mga tao. Para sa mga kuru-kurong mahirap lutasin, may isang prinsipyong dapat mong itaguyod: Huwag ipahayag o ipakalat ang mga ito, dahil walang mabuting naidudulot sa ibang tao ang pagpapahayag ng mga gayong kuru-kuro; isa itong katunayan ng pagtutol sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat ikaw mismo ang magsukat dito nang malinaw at umiwas ka sa padalos-dalos na pagsasalita. Kung sasabihin mo, “Mahirap sa damdamin na pigilan ang mga salita ko sa loob ng iglesia; pakiramdam ko ay sasabog ako,” dapat mo pa ring isaalang-alang kung ang pagpapakalat ng mga kuru-kurong ito ay tunay na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung hindi ito kapaki-pakinabang at pwedeng magdulot sa iba na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o tutulan at husgahan pa ang Diyos, hindi ba’t pinipinsala mo ang hinirang na mga tao ng Diyos? Pinipinsala mo ang mga tao; wala itong ipinagkaiba sa pagkakalat ng sakit. Kung talagang may katwiran ka, mas pipiliin mong tiisin ang sakit nang mag-isa kaysa ipakalat ang mga kuru-kuro at makapinsala sa iba. Gayumpaman, kung nahihirapan kang kimkimin ang mga salita mo, dapat kang magdasal sa Diyos. Kung malulutas ang problema, hindi ba’t mabuti iyon? Kung hinuhusgahan mo ang Diyos at nagkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos dahil sa mga kuru-kuro mo, kahit kapag nagdarasal ka sa Kanya, binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo. Dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mga ganito akong iniisip, at gusto ko itong bitawan, pero hindi ko magawa. Pakiusap, disiplinahin Mo ako, ibunyag Mo ako gamit ang iba’t ibang kapaligiran, at hayaan Mong makita ko na mali ang mga kuru-kuro ko. Paano Mo man ako disiplinahin, handa akong tanggapin ito.” Tama ang ganitong mentalidad. Pagkatapos magdasal sa Diyos nang may ganitong mentalidad, hindi ba’t mararamdaman mo na hindi na gaanong masikip ang kalooban mo? Kung patuloy kang magdadasal at maghahanap, tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Diyos, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at magliliwanag ang puso mo, hindi na maninikip ang kalooban mo. Hindi ba’t malulutas na ang problema kung magkagayon? Maglalaho ang karamihan ng kuru-kuro, paglaban, at paghihimagsik mo laban sa Diyos; sa pinakamababa, hindi mo mararamdaman ang pangangailangang ipahayag ang mga ito. Kung hindi pa rin iyon gumana at hindi ganap na nalulutas ang problema, maghanap ka ng isang tao na may karanasan para tulungan kang lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hilingin sa kanila na maghanap ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa paglutas sa mga kuru-kurong mayroon ka, at basahin mo ang mga ito nang dose-dosena o daan-daang beses; marahil ay ganap na malulutas ang mga kuru-kuro mo. Pwedeng sabihin ng ilang tao, “Kung magpapahayag ako ng mga kuru-kuro sa isang pagtitipon kasama ang mga kapatid, magiging pagpapakalat iyon ng mga kuru-kuro, kaya hindi ko iyon pwedeng gawin. Pero masakit sa dibdib na kimkimin ang mga ito. Pwede ko bang sabihin ang mga ito sa aking pamilya?” Kung ang mga kapamilya mo ay mga kapatid din sa pananalig, ang pagpapahayag ng mga kuru-kurong ito sa kanila ay makakagulo rin sa kanila. Angkop ba ito? (Hindi.) Kung ang sasabihin mo ay magkakaroon ng masamang epekto sa iba, makakapinsala at makakalihis sa kanila, hinding-hindi mo dapat sabihin ito. Sa halip, magdasal ka sa Diyos para malutas ang isyu. Hangga’t ikaw ay nagdarasal at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang may taimtim na puso, isang pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, maaaring malutas ang mga kuru-kuro mo. Nilalaman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan; kayang lutasin ng mga ito ang anumang problema. Nakasalalay lang ito kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at kung handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, at kung kaya mong bitawan ang sarili mong mga kuru-kuro. Kung naniniwala kang laman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan, dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito. Kung pagkatapos magdasal sa loob ng ilang panahon ay hindi ka pa rin nakakaramdam ng kaliwanagan mula sa Diyos at wala ka pa ring natatanggap na malinaw na mga salita mula sa Diyos sa kung ano ang gagawin, pero hindi mo namamalayan na ang mga kuru-kuro mo ay hindi na nakakaapekto sa kalooban mo, hindi na ginugulo ang buhay mo, unti-unti nang naglalaho, hindi na nakakaapekto sa normal mong ugnayan sa Diyos, at siyempre ay hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, hindi ba’t talagang nalutas na ang kuru-kurong ito kung gayon? (Oo.) Ito ang landas ng pagsasagawa.

Dapat munang tandaan niyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan na kapag may mga kuru-kuro sila, dapat nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Hindi sila kailanman dapat magpakalat ng mga ito o magsalita nang walang ingat, sinasabi, “May kalayaan akong magsalita. Kung tutuusin, bibig ko naman ito; puwede kong sabihin ang gusto ko, sa kanino ko gusto, at sa anumang sitwasyong gusto ko.” Mali ang ganitong paraan ng pagsasalita. Ang ilang mabuti o tamang salita ay maaaring hindi tiyak na kapaki-pakinabang sa iba kapag sinabi, pero ang mga salitang mga kuru-kuro o mga tukso ni Satanas ay maaaring magresulta sa mga di-masukat na kahihinatnan kapag sinabi. Batay sa mga kahihinatnang ito, kung may kuru-kuro ka na iginigiit mong ipahayag, at nararamdaman mong ang paggawa niyon ay masarap sa pakiramdam at nakakapagpasaya sa iyo, ang mga kilos mo ay mailalarawan bilang masasamang gawa, at itatala ng Diyos ang mga ito laban sa iyo. Bakit itatala ang mga ito laban sa iyo? Maraming positibong pamamaraan, landas, at prinsipyo ng pagsasagawa ang sinabi sa iyo, pero hindi mo pinili ang mga ito; sa halip, pinili mo ang isang landas na nagdudulot ng pinsala sa mga tao—sinasadya ito, hindi ba? Kung gayon, isang kalabisan ba na tawaging masasamang gawa ang mga kilos mo? (Hindi.) Maaari mong ganap na piliing lutasin ang isyung ito nang kusa sa pamamagitan ng karanasan at pagdarasal sa Diyos at paghahanap, sa halip na ilabas ang mga kuru-kuro mo para guluhin at ilihis ang iba. Ito ang landas na dapat piliin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kaya bakit hindi mo pinipili ang paraang ito? Bakit pinipili mo ang isang paraang nakakapinsala at nakakasakit sa iba? Hindi ba’t ito ang ginagawa ni Satanas? Gumagawa ang masasamang tao ng mga bagay na nakakapinsala sa iba at sa sarili nila. Kung gagawa ka rin ng mga gayong bagay, kamumuhian ba ito ng Diyos? (Oo.) Kahit na hindi kondenahin ng Diyos ang mga kuru-kuro mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro mo, at dapat kang magkaroon ng landas para isagawa ang katotohanan. Kung ang paraan mo ng pagharap sa mga kuru-kuro ay ang ipakalat ang mga ito para sadyang ilihis at pinsalain ang iba, nang ginugulo ang buhay iglesia at ang buhay pagpasok at mga normal na kalagayan ng mga kapatid, kung gayon ay masasamang gawa ang mga kilos mo. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, ano ang dapat piliin ng isang tao? Ang isang taong may pagkatao na naghahangad sa katotohanan ay hindi pipili ng paraan na nakakalihis at nakakapinsala sa iba; pipiliin niyang magsagawa at sumunod sa mga aktibo, positibong prinsipyo, lumapit sa Diyos para magdasal at hanapin ang katotohanan, at hilingin sa Diyos na tulungan siyang lutasin ang isyu. Sinasabi ng ilan, “Kapag nanghihingi ako ng tulong sa Diyos, palagi kong nararamdaman na hindi nahahawakan o nakikita ang Kanyang pagtulong. Puwede bang humingi na lang ako ng tulong sa mga tao?” Oo, puwede kang pumili ng isang taong higit na nakakaunawa sa katotohanan at may mas mataas na tayog kaysa sa iyo, isang taong sa tingin mo ay makalulutas ng problema mo nang hindi nagugulo at naiimpluwensiyahan ng mga kuru-kuro mo na maging mahina, isang taong nakaranas na ng mga katulad na isyu at makakapagsabi sa iyo kung paano lutasin ang mga ito— angkop din ang landas na ito. Kung pipiliin mo ang isang taong karaniwang labis na magulo ang isip at hindi nakakakilatis sa anumang bagay, at kapag narinig ang tungkol sa usaping ito, agad siyang nagwawala, gustong ipamalita ang mga kuru-kuro kung saan-saan at magdulot ng mga panggugulo, at nais nang tumigil sa pananampalataya—kung nagkagayon, hindi sinasadyang nakagulo ang mga kilos mo sa buhay iglesia. Kung nagkagayon, hindi ba’t mailalarawan na masasamang gawa ang mga kilos mo? (Oo.) Samakatwid, pagdating sa kung paano mo dapat pangasiwaan ang mga kuru-kuro, dapat kang maging maingat at mapagmatyag, hindi ka dapat kumilos nang may magulong isip o nang padalos-dalos, at hinding-hindi mo dapat ituring ang mga kuru-kuro bilang ang katotohanan—gaano man katama ang mga kaisipan ng tao, hindi katotohanan ang mga ito. Sa ganitong paraan, mas magiging kalmado ka, at hindi makakapagdulot ng anumang problema ang mga kuru-kuro mo. Ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay hindi dapat katakutan—hangga’t hinahanap mo ang katotohanan, malulutas ang mga ito sa huli. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi madaling lutasin ang mga kuru-kuro.” Mahirap ngang lutasin ang ilang kuru-kuro, kaya ano ang dapat gawin? Simple lang ito. Ang ilang kuru-kuro ay hindi kailanman nalulutas sa isipan at utak ng ilang tao. Isa na itong katunayan, pero gaano man kahirap lutasin ang isang kuru-kuro, hindi pa rin ito ang katotohanan. Hangga’t nauunawaan mo ang puntong ito, madaling pangasiwaan ang problema. May isang katunayan dito na dapat Kong sabihin sa inyo: Hindi hinihingi ng Diyos na lubos na maunawaan o malinaw na maarok ng lahat ng tao ang bawat bagay na ginagawa Niya; hindi Niya hinihingi na malaman ng lahat ng tao ang katotohanang nakapaloob dito o kung bakit Siya kumikilos sa isang partikular na paraan. Hindi ito ang ninanais ng Diyos; hindi Niya hinihingi ang mga pamantayang ito sa mga tao. Kung sapat naman ang kakayahan mo, ayos na ang anumang antas ng pagkaunawang nakakamit mo—gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo. Kung hindi mo maunawaan ang isang bagay, habang tumatanda ka, at lumalalim nang lumalalim ang mga karanasan mo, at dumarami ang mga karanasan mo, unti-unti ring lalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at mababawasan ang mga kuru-kuro mo. Gayumpaman, karamihan ng tao ay walang kakayahang makaarok ng ilang espesyal na usapin at hindi nila kailanman nauunawaan ang mga ito. Pinipilit ba sila ng Diyos na maunawaan ang mga usaping ito? Hindi; hindi sila pinipilit ng Diyos na makaunawa. Halimbawa, maraming misteryo sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos na gustong malaman ng mga tao pero hindi nila magawa. Gayumpaman, sa mga salita at gawain ng Diyos, nakatuon lang Siya sa pagpapahayag sa katotohanan para dalisayin at iligtas ang mga tao. Bihira Niyang banggitin ang ibang mga usapin, at kahit kapag nagbabanggit Siya paminsan-minsan, maiksi lang ito; hindi kailanman ipinapaliwanag ng Diyos sa mga tao ang mga usaping ito nang napakahaba. Bakit hindi? Dahil hindi kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa isang banda, ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyong diwa; sa kabilang banda, may mga kaisipan, plano, pinagmumulan at layon ang Diyos para sa mga bagay na ginagawa Niya, para sa mga paraan at diskarteng ginagamit Niya para gumawa sa iba’t ibang tao, para sa mga paraan at diskarte ng kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at iba pa. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na dapat makaunawa at makapasok sa lahat ng katotohanan ang mga tao para maituring silang ligtas na. Ito ay dahil masyadong makapangyarihan sa lahat ang Diyos! Ang Kanyang mga paraan ng pagkilos, pagsasalita, paggawa, at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay likas na nagbubunyag sa Kanyang disposisyon, diwa, pagkakakilanlan, at iba pa. Kahit na likas na ibinubunyag ng Diyos ang mga bagay na ito na taglay Niya at kung ano Siya, hindi Niya hinihingi na maunawaan o maintindihan ng mga tao ang lahat ng ito. Ito ay dahil ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at Siya ay makapangyarihan sa lahat, samantalang ang nilikhang sangkatauhan ay napakaliit at lubos na walang kapangyarihan; napakalaki ng agwat sa pagitan ng tao at ng Diyos! Samakatwid, napakanormal para sa mga tao na makabuo ng ilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Hindi ito dinidibdib ng Diyos, pero palagi mo itong sineseryoso at matigas ang ulo mo na mapako rito. Hindi uubra ang ganitong pagharap. Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan at may mataas na kakayahan, hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan at may tunay kang kaalaman tungkol sa Diyos, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay natural na malulutas. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at kahit sino pa ang makipagbahaginan sa iyo tungkol sa katotohanan, hindi mo ito tatanggapin at palagi mong panghahawakan ang mga kuru-kuro mo, ano ang magiging kahihinatnan nito? Ang magiging kahihinatnan ay na kahit umabot ka sa katapusan ng buhay mo o sa puntong ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan kundi madadala ka sa kamatayan dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Kahit makita mo pa na magpakita ang espirituwal na katawan ng Diyos, hindi mo pa rin malulutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos. Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang lahat ng katunayan at kung ano ang totoo dahil lang hindi mo malutas ang mga kuru-kurong ito? Sa isang banda, hindi Niya kailangang gawin iyon; sa kabilang banda, may isang katunayan, na walang malaking kapasidad na kinakailangan ang utak at isipan ng tao para tanggapin ang mga bagay na ito. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay lampas sa imahinasyon ng tao at lampas sa lahat ng bagay. Kung ikukumpara sa lahat ng bagay, ang mga tao ay tulad ng isang butil ng buhangin sa dalampasigan. Ang paglalarawang ito ay malapit sa mga katunayan at maituturing na naaangkop. Kahit gustuhin pa ng Diyos na sabihin sa iyo ang lahat, may kapasidad ka bang tanggapin ang lahat ng ito? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi ko kakayaning tanggapin ang lahat ng ito? Kung mas marami ang sasabihin ng Diyos, mas marami ang mauunawaan at makakamit ko. Kung gayon, mapapaboran ako!” Pangangarap iyan nang gising; labis-labis ang pagtatantya mo sa sarili mong kapasidad. Hindi ganyan ang tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na sinasabi Niya sa iyo ay napakasimple at napakalinaw; ang mga ito ay ang mga bagay na kayang maarok ng mga tao. Sa katunayan, maraming bagay ang hindi pa sinasabi ng Diyos dahil hindi kayang maarok ng mga tao ang mga ito. Samakatwid, napakanormal na may ilang kuru-kuro ka na hindi malulutas sa huli. Ang mga bagay na kailangan ng Diyos na maunawaan mo at gusto Niyang sabihin sa iyo, o na kaya mong pasanin at arukin, ay mauunawaan mo. Pagdating naman sa mga bagay na hindi mo kayang pasanin at arukin, na hindi makilatis ng mga pisikal mong mata, kahit sabihin pa sa iyo ng Diyos ang mga ito, magiging walang saysay ito at pag-aaksaya lang ito ng pagsisikap. Dahil dito, hindi na sinasabi ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito. Tungkol sa mga gayong kuru-kuro, kung hindi ka pa rin nakakaunawa kahit kapag patay ka na o kapag natapos na ang gawain ng Diyos, saan ito nakakaapekto? Nakakaapekto ba ito sa pagpapasakop mo sa Diyos? Nakakaapekto ba ito sa pagganap mo sa papel bilang isang nilikha? Nakakaapekto ba ito sa pagkilala mo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Kung hindi ka naaapektuhan sa alinman sa mga paraang ito, maliligtas ka. Kaya, kailangan pa rin bang lutasin ang ganitong uri ng kuru-kuro? Hindi na. Ito ang huling uri ng kuru-kuro, ang uri na hindi malulutas kahit patay na ang isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “O Diyos, hindi ko pa rin nauunawaan ang gawaing ito na ginawa Mo, ang mga salitang ito na sinabi Mo, at ang kapaligirang ito na isinaayos Mo. Maaari Mo bang sabihin sa akin bago ako mamatay para mamatay ako nang payapa?” Binabalewala ng Diyos ang mga gayong kahilingan. Maaari kang lumisan nang payapa; mauunawaan mo ang lahat sa espirituwal na mundo.

May sariling pamantayan ang Diyos sa pagliligtas ng mga tao; hindi ito nakabatay sa kung gaano mo kahusay na nalutas ang mga kuru-kuro mo o kung gaano karami na sa mga ito ang binitawan mo. Sa halip, nakabatay ito sa kung gaano ka katakot sa Diyos at kung gaano ka kamapagpasakop sa Kanya, kung tunay ka bang may takot at pagpapasakop sa Kanya o wala. May kahulugan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at madali man itong tanggapin para sa iyo, o mahirap para sa iyong tanggapin at malamang na magdudulot ng mga kuru-kuro sa iyo, ano’t anuman, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang resulta; patuloy Siyang magiging Lumikha, at palagi kang magiging isang nilikha. Kung magagawa mong hindi malimitahan ng anumang kuru-kuro, at mapanatili pa rin sa Diyos ang relasyon ng isang nilikha at ng Lumikha, kung gayon ay isa kang tunay na nilikha ng Diyos. Kung magagawa mong hindi maimpluwensiyahan o magulo ng anumang kuru-kuro, at may kakayahan ka na tunay na magpasakop sa Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kung nagagawa mong isantabi ang mga kuru-kuro kahit na ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay malalim man o mababaw, at hindi mapigilan ng mga ito, naniniwala lang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang Diyos ay magiging Diyos magpakailanman, at na hindi kailanman mali ang ginagawa ng Diyos, kung gayon ay maaari kang maligtas. Sa katunayan, limitado ang tayog ng lahat. Gaano karaming bagay ang maaaring maisiksik sa utak ng mga tao? Kaya ba nilang maarok ang Diyos? Pangangarap lang iyon! Huwag kalimutan: Ang mga tao ay palaging magiging musmos sa harap ng Diyos. Kung iniisip mong matalino ka, kung palagi kang nagiging mautak, at sinusubukan mong alamin ang lahat ng bagay, iniisip mo, “Kung hindi ko ito kayang maunawaan, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring tanggapin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang lumikha. Kung hindi mo lulutasin ang aking mga kuru-kuro, nangangarap ka kung iniisip mo na kikilalanin ko na ikaw ang diyos, na tatanggapin ko ang iyong kataas-taasang kapangyarihan, at na magpapasakop ako sa iyo,” kung gayon ay problema ito. Paano ito naging problema? Hindi nakikipagtalo sa iyo ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay. Sa tao Siya ay laging magiging ang sumusunod: Kung hindi mo tatanggapin na ang Diyos ay iyong Diyos, Hindi Niya tatanggapin na isa ka sa Kanyang mga nilikha. Kapag hindi tinatanggap ng Diyos na isa ka sa Kanyang mga nilikha, isang pagbabago ang nangyayari sa iyong relasyon sa Diyos bilang resulta ng iyong saloobin sa Kanya. Kung hindi mo magawang magpasakop sa Diyos, at tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng Diyos, magkakaroon ng pagbabago sa iyong pagkakakilanlan. Isa ka pa rin bang nilikha? Hindi ka kinikilala ng Diyos; walang silbi na makipagtalo pa. At kung hindi ka isang nilikha, at hindi ka nais ng Diyos, may pag-asa ka pa rin ba sa kaligtasan? (Wala.) Bakit hindi ka tinuturing ng Diyos bilang isang nilikha? Hindi mo matupad ang mga responsabilidad at tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at hindi mo tinatrato ang Lumikha mula sa posisyon ng isang nilikha. Kaya, paano ka tatratuhin ng Diyos? Paano Ka niya titingnan? Hindi ka titingnan ng Diyos bilang isang nilikhang pasok sa pamantayan, kundi bilang isang imoral, isang diyablo at isang Satanas. Hindi ba’t inisip mong matalino ka? Paanong nagawa mo ang iyong sarili na maging isang diyablo at isang Satanas? Hindi ito katalinuhan, kahangalan ito. Ano ang ipinapaunawa ng mga salitang ito sa mga tao? Na dapat manatili sa hanay ang mga tao sa harap ng Diyos. Kahit na may dahilan ka para sa iyong mga kuru-kuro, huwag mong isipin na nagtataglay ka ng katotohanan, at na mayroon kang kapital na magprotesta laban sa Diyos at limitahan Siya. Anuman ang gawin mo, huwag kang maging ganoon. Sa sandaling mawala ang pagkakakilanlan mo bilang isang nilikha, mawawasak ka—hindi ito biro. Ang pinakatumpak na sanhi nito ay dahil, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, gumagamit sila ng ibang mga pamamaraan, at gumagamit ng ibang mga solusyon, na ang mga kinalalabasan ay ganap na iba.

Mayroon ba kayong mga prinsipyo sa kung paano magsasagawa patungkol sa mga kuru-kuro? Pinoprotektahan ba kayo ng mga prinsipyong ito para umasal kayo nang wasto bilang mga nilikha? Mabuti ba ang landas na ito? (Oo.) Kung gayon, ibuod ninyo ito. (Kung isa itong uri ng kuru-kurong medyo madaling lutasin, dapat kaming magdasal at maghanap, hanapin ang katotohanang naghihimay sa ganitong uri ng kuru-kuro mula sa mga salita ng Diyos, at pwede rin kaming makipagbahaginan sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan; sa ganitong paraan, makikilatis namin ang mga mapanlinlang na aspekto ng kuru-kuro, at sa gayon ay malulutas namin ito. Mayroon ding ilang kuru-kuro na hindi madaling lutasin, pero hindi kami dapat kumapit sa mga ito. Dapat kaming magkaroon ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos, na nalalaman na kami ay mga nilikha at ang ginagawa ng Diyos ay tiyak na tama, at hindi pa lang namin ito napagtatanto. Nauunawaan man namin o hindi, hindi kami dapat magpakalat ng mga kuru-kuro. Dapat naming matutuhan na laging manalangin sa Diyos at maghanap, at unti-unti ay malulutas din ang mga kuru-kurong ito. Ang ikatlong sitwasyon ay na maaaring manatiling hindi nalulutas ang ilang kuru-kuro sa huli. Sa mga gayong kaso, hangga’t hindi kami napipigilan ng mga kuru-kurong ito at hindi namin ito ipinapakalat, ayos lang ito. Kahit na hindi malutas ang mga kuru-kurong ito sa huli, hangga’t hindi kami kumakapit sa mga ito at hindi kami gumagawa ng kasamaan dahil sa mga ito, hindi kami kokondenahin ng Diyos, at hindi ito makakaapekto sa aming kaligtasan.) Ilang prinsipyo mayroon sa kabuuan? (Tatlo.) May tatlong prinsipyo sa kabuuan. Naitala ninyo ang lahat ng ito, tama ba? Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan at naarok na ninyo ang mga prinsipyo, natural na malulutas ang mga kuru-kuro ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan o patumbahin kayo ng mga kuru-kuro; lutasin ang mga kuru-kurong maaaring lutasin sa abot ng makakaya ninyo, at para sa mga pansamantalang hindi pa malutas, huwag nang hayaang makaapekto sa inyo ang mga ito. Hindi dapat mahadlangan ng mga ito ang paggampan mo ng tungkulin, ni makaapekto ang mga ito sa ugnayan mo sa Diyos. Ang pinakahinihingi sa iyo ay huwag magpakalat ng mga kuru-kuro kahit papaano, huwag gumawa ng kasamaan, huwag magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at huwag kumilos bilang lingkod ni Satanas o bilang kasangkapan ni Satanas. Kung, gaano ka man magsikap, ang ilang kuru-kuro ay maaari lang lutasin nang paimbabaw at hindi lubusang malulutas, huwag mo na lang pansinin ang mga iyon. Huwag hayaan ang mga kuru-kuro na makaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan o sa buhay pagpasok mo. Maging bihasa ka sa mga prinsipyong ito, at sa ilalim ng normal na sitwasyon, magiging protektado ka. Kung isa kang tao na tumatanggap sa katotohanan, nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi masamang tao, ayaw magdulot ng mga pagkagambala at panggugulo, at hindi nananadyang magdulot ng mga pagkagambala at panggugulo, kapag karaniwan kang nahaharap sa isyu ng paglitaw ng mga kuru-kuro, sa pangkalahatan ay mapoprotektahan ka. Ang pinakabatayang prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Kung lumitaw ang isang kuru-kurong mahirap lutasin, huwag magmadaling kumilos ayon sa kuru-kurong iyon. Una, maghintay at hanapin ang katotohanan para lutasin ito, manampalataya na imposibleng mali ang ginagawa ng Diyos. Tandaan ang prinsipyong ito. Dagdag pa, huwag isantabi ang tungkulin mo o hayaan ang kuru-kuro na makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin. Kung may mga kuru-kuro ka at iniisip mo, “Iraraos ko na lang ang tungkuling ito; masama ang lagay ng loob ko ngayon, kaya hindi ako gagawa nang maayos para sa iyo!” hindi ito tama. Kapag naging negatibo at pabasta-basta ang saloobin mo, nagiging problema ito; ito ang panggugulo ng mga kuru-kuro sa loob mo. Kapag nanggugulo ang mga kuru-kuro sa loob mo at nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, ibig sabihin niyon na sa puntong ito, nagkaroon na ng aktuwal na pagbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Ang ilang kuru-kuro ay pwedeng makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na isang malubhang problema, at dapat na malutas agad ang mga ito. Ang ibang kuru-kuro ay hindi nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin o sa ugnayan mo sa Diyos, kaya hindi malalaking isyu ang mga ito. Kung ang mga kuru-kurong nabubuo mo ay maaaring makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na nagdudulot na pagdudahan mo ang Diyos, na huwag kang magsipag sa paggawa ng tungkulin mo—at maramdaman pa nga na walang mga kahihinatnan ang hindi paggawa ng tungkulin mo—at walang anumang pangamba o may-takot-sa-Diyos na puso, mapanganib ito. Nangangahulugan ito na mahuhulog ka sa tukso, at maloloko at mabibihag ka ni Satanas. Ang saloobin mo sa mga kuru-kuro mo at ang mga pinipili mo ay napakahalaga; malutas man o hindi ang mga kuru-kuro, at anuman ang antas ng pagkakalutas ng mga ito, hindi dapat magbago ang normal na ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Sa isang banda, dapat makapagpasakop ka sa lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos, at kumpirmahin na tama at makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi dapat magbago kailanman ang kaalamang ito at ang aspektong ito ng katotohanan para sa iyo. Sa kabilang banda naman, huwag isantabi ang tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi mo dapat iwaksi ang pasaning ito. Kung, sa panloob o panlabas, wala kang paglaban, pagkontra, o paghihimagsik laban sa Diyos, makikita lang ng Diyos ang pagpapasakop mo, at na naghihintay ka. Maaaring may mga kuru-kuro ka pa rin, pero hindi nakikita ng Diyos ang pagiging mapaghimagsik mo. Dahil walang paghihimagsik at paglaban sa loob mo, itinuturing ka pa rin ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Sa kabaligtaran, kung ang puso mo ay puno ng mga reklamo at pagsuway, naghahanap ka ng pagkakataon para gumanti, at ayaw mong gawin ang tungkulin mo, bagkus ay gusto mong iwaksi ang pasaning ito—maging sa puntong, sa puso mo, may kung ano-anong reklamo tungkol sa Diyos, at nabubunyag ang mga partikular na pagpapamalas ng pagsuway at sama ng loob habang ginagawa mo ang tungkulin mo—kung gayon, sa pagkakataong ito, malaki na ang ipinagbago ng ugnayan mo sa Diyos. Iniwan mo na ang posisyon mo bilang isang nilikha; hindi ka na isang nilikha, kundi naging kasangkapan ka na ng mga diyablo at ni Satanas—kaya hindi ka na pakikitaan ng Diyos ng kabutihan. Kapag dumating na sa puntong ito ang isang tao, papalapit na siya sa mapanganib na kalagayan. Kahit walang gawin ang Diyos, hindi siya makakapanindigan sa iglesia. Kaya, sa lahat ng ginagawa ng mga tao—lalo na kapag may kinalaman ito sa mga isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro—dapat maging maingat sila na iwasan ang paggawa ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos, o na kinokondena ng Diyos, o nakakasakit o nakakapinsala sa iba. Ito ang prinsipyo.

Hindi maliit na usapin ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos! Napakahalaga para sa mga tao na makapagpanatili ng normal na ugnayan sa Diyos, pero ang pinakanakakaapekto sa ugnayang ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag nalutas na ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos ay saka lang mapapanatili ang normal na ugnayan sa Kanya. Sa kasalukuyan, maraming tao ang may malubhang problema. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, bagama’t kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, pero sa buong panahong ito, hindi pa rin ganap na malutas ang mga kuru-kuro nila. Malubha itong nakakaapekto sa ugnayan nila sa Diyos at direktang nakakaapekto sa pagmamahal nila sa Diyos at sa pagpapasakop nila sa Kanya. Samakatwid, anumang kuru-kuro ang mabuo ng mga tao tungkol sa Diyos, isa itong seryosong usapin na hindi pwedeng ipagsawalang-bahala. Ang mga kuru-kuro ay parang isang pader; hinahadlangan ng mga ito ang ugnayan ng mga tao sa Diyos, na nagiging dahilan para mawalan sila ng ugnayan sa gawain ng kaligtasan ng Diyos. Kaya naman, ang pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay isang napakaseryosong isyung hindi pwedeng ipagsawalang-bahala! Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi nila magagawang agad na hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito, pwede itong magdulot kaagad ng pagkanegatibo, paglaban sa Diyos, at maging ng pagkamapanlaban sa Kanya. Matatanggap pa kaya nila ang katotohanan kung gayon? Mahihinto ang buhay pagpasok nila. Ang landas ng pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi pantay at lubak-lubak. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, maaaring lumihis sila nang maraming beses, at pwedeng bumuo sila ng mga kuru-kuro sa anumang sitwasyon. Kung ang mga kuru-kurong ito ay hindi malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, pwedeng maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos at tumutol sa Kanya, tumahak sa landas ng pagkamapanlaban sa Kanya. Kapag tumahak ang mga tao sa landas ng mga anticristo, sa tingin ba ninyo ay may pag-asa pa silang maligtas? Mahirap na itong pangasiwaan sa puntong iyon, at wala nang matitirang pagkakataon. Kaya naman, bago ka itatwa ng Diyos bilang Kanyang nilikha, dapat mong matutuhan kung paano maging nilikha ng Diyos. Huwag mong subukang siyasatin ang Lumikha o subukang maghanap ng paraan para patunayan at tiyakin na ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang Lumikha. Hindi ito ang obligasyon o responsabilidad mo. Ang dapat mong iniisip at pinagninilayan sa puso mo araw-araw ay kung paano mo matutupad ang mga tungkulin mo at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan, sa halip na kung paano patunayan kung ang Diyos nga ang Lumikha, kung Siya nga ba ay Diyos, o ang siyasatin ang ginawa ng Diyos at kung tama ba ang Kanyang mga kilos o hindi. Hindi ang mga ito ang dapat mong siyasatin.

Hunyo 19, 2021

Sinundan: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 15

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito