Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 12
Sa ating huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang maiwasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, upang huwag magamit ang mga ito sa maling paraan ng masasamang tao.” Ang pagbabahaginan sa ikasampung aytem ay tungkol sa mga gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa at ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin kaugnay sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at kasabay nito, inilantad nito sa pamamagitan ng pagkukumpara ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Kung tinutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin at kayang gawin sa bawat aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa; kung hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad nila at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, malinaw na sila ay mga huwad na lider. Tungkol sa ikasampung aytem, siyempre ang mga huwad na lider ay hindi mahusay sa gawain ng pangangalaga at makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos—ang mga aytem na iyon ay hindi napangangalagaan nang maayos, o maaari pa ngang hindi talaga napangangalagaan, at ang mga huwad na lider ay nagkakamali sa kanilang paglalaan. Maaari pa ngang hindi talaga nila sineseryoso ang gawaing ito. Bagaman ito ay gawain sa pangkalahatang pangangasiwa, isa pa rin itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at gawain na dapat nilang gawin. Ginagawa man nila mismo ang gawain, o isinasaayos man nila ang mga angkop na tao para gawin ito, at nagsasagawa rin ng pangangasiwa, mga pag-iinspeksyon, pagsubaybay, at iba pa, sa anumang kaso, ang gawaing ito ay hindi maihihiwalay sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—direktang magkaugnay ang mga ito. Samakatwid, pagdating sa gawaing ito, kung ang mga lider at manggagawa ay hindi maayos na nangangalaga at makatwirang naglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila, at hindi nila nagagawa nang maayos ang gawain nila. Ito ay isang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa huli nating pagtitipon, nagsagawa tayo ng simpleng paglalantad at paghihimay ng mga pagpapamalas na ipinakikita ng mga huwad na lider habang pinangangasiwaan ang aytem na ito ng gawain sa pangkalahatang pangangasiwa, at nagbigay tayo ng ilang halimbawa. Kung ang isang tao ay isang huwad na lider, tiyak na hindi niya natupad ang mga responsabilidad niya sa gawaing ito, at ang gawaing ginagawa niya ay hindi pasok sa pamantayan. Ito ay dahil ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagsisikap para sa aktuwal na gawain—kapag naisaayos na ito, tapos na sila rito, at hindi na sila kailanman sumusubaybay o lumalahok sa gawain. Ang isa pang pangunahing dahilan ay na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo ng anumang gawaing ginagawa nila. Kahit na hindi sila nagiging tamad sa gawain nila, ang ginagawa nila ay hindi naaayon sa mga prinsipyo at patakarang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, o ganap pa ngang hindi naaayon sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng hindi naaayon sa mga prinsipyo? Ang implikasyon nito ay na kumikilos sila nang walang ingat, kumikilos nang pabigla-bigla batay sa kanilang mga imahinasyon, kagustuhan, at damdamin, at iba pa. Kaya, kahit ano pa man, may dalawang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider pagdating sa aytem na ito ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: Ang una ay na hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain, at ang pangalawa ay na hindi nila maarok ang mga prinsipyo, kaya hindi sila makagawa ng aktuwal na gawain. Ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas. Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan at nagsiwalat tayo kung paano naipamamalas ang pagkatao ng mga huwad na lider sa pangangasiwa nila sa ganitong uri ng gawain sa pangkalahatang pangangasiwa. Kahit na sa simpleng, nag-iisang piraso ng gawaing ito, hindi kayang tuparin ng mga huwad na lider ang mga responsibilidad nila. May kakayahan silang gawin ang gawaing ito, pero hindi nila ito ginagawa. May kinalaman ito sa karakter at pagkatao ng ganitong uri ng mga tao. Ano ang problema sa pagkatao nila? Wala sa tamang lugar ang puso nila, at mababa ang karakter nila. Halos natapos na natin ang pagbabahaginan natin sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ang mga pangkalahatang prinsipyo, at ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa ilalim ng ikasampung aytem. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa
Ikalabing-isang Aytem: Pumili ng mga Maaasahang Taong may Pagkataong Pasok sa Pamantayan Lalo na para sa Gampanin ng Sistematikong Pagrerehistro, Pagbibilang, at Pangangalaga ng mga Handog; Regular na Suriin at Tingnan kung Tama ba ang mga Papasok at Papalabas Nang sa Gayon ang mga Kaso ng Paglulustay o Pagwawaldas, Pati Na ang mga Hindi Makatwirang Paggastos, ay Matukoy Kaagad—Ipatigil ang Gayong mga Bagay at Humingi ng Makatwirang Kabayaran; Dagdag Pa Rito, Iwasan, sa Anumang Paraan, na Mauwi sa Kamay at Waldasin ng Masasamang Tao ang mga Handog
Kung Ano ang mga Handog
Ang nilalaman ng ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay: “Pumili ng mga maaasahang taong may pagkataong pasok sa pamantayan lalo na para sa gampanin ng sistematikong pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog; regular na suriin at tingnan kung tama ba ang mga papasok at papalabas nang sa gayon ang mga kaso ng paglulustay o pagwawaldas, pati na ang mga hindi makatwirang paggastos, ay matukoy kaagad—ipatigil ang gayong mga bagay at humingi ng makatwirang kabayaran; dagdag pa rito, iwasan, sa anumang paraan, na mauwi sa kamay at waldasin ng masasamang tao ang mga handog.” Ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito? Ano ang pangunahing gawain na dapat nilang gawin? (Maayos na pangalagaan ang mga handog.) Ang ikasampung aytem ay tungkol sa maayos na pangangalaga at makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos; ang aytem na ito ay tungkol sa maayos na pangangalaga ng mga handog. Ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos at ang mga handog nito ay medyo magkatulad—pero pareho ba ang mga ito? (Hindi.) Ano ang pagkakaiba? (Ang mga handog ay pangunahing tumutukoy sa pera.) Pera ang isang aspekto nito. Paanong nagkakaiba sa kalikasan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos at ang mga handog? Handog ba ang mga libro ng mga salita ng Diyos? Handog ba ang iba’t ibang makinang ginagamit para sa gawain? Handog ba ang iba’t ibang pang-araw-araw na pangangailangang binibili ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ang mga ito, kung gayon? Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng libro ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga kagamitang kinakailangan para sa gawain nito na binibili nito gamit ang perang inihandog ng hinirang na mga tao ng Diyos, kabilang ang iba’t ibang aytem tulad ng mga kamera, audio recorder, mga kompyuter, at mga cell phone—ang lahat ng ito ay ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Bukod pa rito, ang mga mesa, upuan, bangko, pagkain, at iba pang mga pang-araw-araw na pangangailangan ay ang mga materyal na aytem din ng sambahayan ng Diyos. Ang ilan sa mga aytem na ito ay binili ng mga kapatid, at ang iba ay binili ng sambahayan ng Diyos gamit ang mga handog; ang lahat ng ito ay kinlasipika bilang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Pinagbahaginan natin ang paksang ito sa ating huling pagtitipon. Magpapatuloy tayo ngayon para tingnan ang isang mahalagang bagay na ating pagbabahaginan sa ilalim ng ikalabing-isang aytem: ang mga handog. Ano nga ba talaga ang mga handog? Paano tinutukoy ang saklaw ng mga ito? Bago tayo magbahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kinakailangang linawin ang tanong kung ano ang mga handog. Bagaman karamihan sa mga tao ay nanampalataya dati kay Jesus at tinanggap ang yugtong ito ng gawain sa loob ng ilang taon, ang konsepto nila ng mga handog ay nananatiling malabo. Hindi malinaw sa kanila kung ano ba talaga ang mga handog. Sasabihin ng ilan na ang mga handog ay pera at mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos, habang sasabihin ng iba na ang mga handog ay pangunahing tumutukoy sa pera. Alin sa mga pahayag na ito ang tumpak? (Basta’t ang isang bagay ay inihandog sa Diyos, pera man ito o anumang aytem, malaki o maliit, isa itong handog.) Iyan ay isang medyo tumpak na pagbubuod. Ngayon na malinaw na ang saklaw at mga limitasyon ng mga handog, tumpak nating bigyang-kahulugan kung ano ba talaga ang mga handog, para maging malinaw sa lahat ang konseptong ito.
Tungkol sa paksa ng mga handog, itinala ng Bibliya na orihinal na hiningi ng Diyos sa tao na ialay ang ikapu sa Diyos—ito ay isang handog. Malaki man o maliit ang halagang inihandog, at anuman ang inihandog—pera man ito o mga materyal na aytem—basta’t ikasampung bahagi ito ng kita ng isang tao na dapat ihandog, tiyak na isa itong handog. Ito ang hiningi ng Diyos sa tao, ito ang dapat ihandog ng mga mananampalataya ng Diyos sa Diyos. Ang ikapu na ito ay isang aspekto ng mga handog. May ilang taong nagtatanong, “Tumutukoy lang ba ang ikasampung bahagi na iyon sa pera?” Hindi naman talaga. Halimbawa, kung ang isang tao ay nag-aani ng sampung ektarya ng butil, gaano man karami ang butil na mayroon, ang isang ektaryang halaga ng butil na ito ay dapat na ihandog sa Diyos sa huli—ang ikasampung bahagi na ito ay ang dapat ihandog ng mga tao. Kaya, ang konsepto ng “ikasampung bahagi” ay hindi lang tumutukoy sa pera—hindi lang ibig sabihin nito na kapag ang isang tao ay kumikita ng isang libong dolyar, dapat niyang ihandog sa Diyos ang isang daan—sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng bagay na nakakamtan ng mga tao, na sumasaklaw sa mas marami pa, kabilang ang mga materyal na bagay at pera. Ito ang sinasabi ng Bibliya. Siyempre, sa kasalukuyan, ang sambahayan ng Diyos ay hindi sobrang higpit na sumusunod sa Bibliya sa paghingi sa mga tao na magbigay ng ikasampung bahagi ng lahat ng nakakamtan nila. Nagbabahagi at nagpapalaganap lang ako rito ng konsepto at depinisyon ng “ikasampung bahagi,” para malaman ng mga tao na ang ikapu ay isang aspekto ng mga handog. Hindi ko hinihikayat ang mga tao na maghandog ng ikasampung bahagi; kung magkano ang ihahandog ng mga tao ay nakasalalay sa personal nilang pag-arok at kagustuhan, at ang sambahayan ng Diyos ay walang anumang mga karagdagang hinihingi tungkol sa usaping ito.
Ang isa pang aspekto ng mga handog ay ang mga bagay na iniaalay ng mga tao sa Diyos. Sa pangkalahatan, kinabibilangan ito siyempre ng ikapu; sa partikular, bukod sa ikapu, anumang bagay na inihahandog ng mga tao sa Diyos ay nabibilang sa kategorya ng mga handog. Ang isang malaking saklaw ay kinapapalooban ng mga bagay na inihahandog sa Diyos, halimbawa, pagkain, mga kasangkapan, mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga suplementong pangkalusugan, pati na rin ang mga baka, tupa, at iba pa na inihahandog sa altar noong panahon ng Lumang Tipan. Ang lahat ng ito ay mga handog. Kung handog man ang isang bagay ay nakadepende sa intensiyon ng naghahandog; kung sinasabi ng naghahandog na ang bagay na ito ay inihahandog sa Diyos, ibinibigay man ito nang direkta sa Diyos o inilalagay sa sambahayan ng Diyos para sa pangangalaga, nabibilang ito sa kategorya ng mga handog, at hindi maaaring basta-bastang galawin ng mga tao. Halimbawa: Kapag bumibili ng mamahaling kompyuter ang isang tao at inihahandog ito sa Diyos, nagiging handog ito; kapag may bumibili ng kotse para sa Diyos, nagiging handog ito; kapag may bumibili ng dalawang bote ng suplementong pangkalusugan at inihahandog ang mga iyon sa Diyos, ang mga boteng iyon ay nagiging mga handog. Walang partikular at tiyak na depinisyon kung ano ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos. Sa kabuuan, ito ay isang napakalawak na saklaw—ito ay ang mga bagay na inihahandog sa Diyos niyong mga sumusunod sa Kanya. Maaaring sabihin ng ilan, “Nagkatawang-tao ngayon ang Diyos sa lupa, at ang mga bagay na inihahandog sa Kanya ay sa Kanya—pero paano kung wala Siya sa lupa?” Kapag nasa langit ang Diyos, ang mga bagay ba na inihahandog sa Kanya ay hindi mga handog?” Tama ba ito? (Hindi.) Hindi ito batay sa kung ang Diyos ay nasa panahon ng pagkakatawang-tao. Sa anumang kaso, basta’t inihahandog ang isang bagay sa Diyos, isa itong handog. Maaaring sabihin ng ilan, “Napakaraming bagay na inihahandog sa Diyos. Magagamit ba Niya ang mga ito? Magagamit ba Niya ang lahat ng ito?" (Wala itong kinalaman sa tao.) Iyan ay isang tama at matalas na paraan ng pagsasabi nito. Ang mga bagay na ito ay inihahandog sa Diyos ng mga tao; kung paano Niya ginagamit ang mga ito at kung magagamit ba Niya itong lahat, at kung paano Niya inilalaan at pinangangasiwaan ang mga ito, ay walang kinalaman sa tao. Walang dahilan para mabahala o mag-alala ka tungkol dito. Sa madaling salita, sa sandaling maghandog ng isang bagay ang isang tao sa Diyos, ang bagay na iyon ay nabibilang sa saklaw ng mga handog. Ito ay sa Diyos, at wala itong kinalaman sa sinumang tao. Maaaring sabihin ng ilan, “Sa paraan ng pagsasabi Mo nito, parang sapilitang inaangkin ng Diyos ang pagmamay-ari ng bagay na iyon.” Iyon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang bagay na iyon ay sa Diyos, kaya’t tinatawag itong handog. Hindi ito maaaring galawin o ilaan ng mga tao ayon sa kagustuhan. nila. Maaaring itanong ng ilan, “Hindi ba’t sayang iyon?” Kahit na sayang ito, wala kang pakialam doon. Maaaring sabihin ng iba, “Kapag ang Diyos ay nasa langit at hindi nagkatawang-tao, hindi Niya matatamasa o magagamit ang mga bagay na inihahandog ng mga tao sa Kanya. Ano ang dapat gawin kung ganoon?” Madaling solusyunan iyon: Naroon ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia para pangasiwaan ang mga bagay na ito ayon sa mga prinsipyo; hindi mo kailangang mabahala o mag-alala tungkol dito. Sa kabuuan, paano man pinangangasiwaan ang isang bagay, sa sandaling mabilang ito sa kategorya ng mga handog, sa sandaling maklasipika ito bilang isang handog, wala itong kinalaman sa tao. At dahil ang bagay na iyon ay pagmamay-ari ng Diyos, hindi maaaring gawin ng mga tao ang gusto nila rito—may mga kahihinatnan sa paggawa nang gayon. Sa panahon ng Lumang Tipan, sa panahon ng pag-aani sa taglagas, naghandog ang mga tao ng lahat ng iba’t ibang uri ng mga bagay sa mga altar. May mga naghandog ng mga butil, prutas, at iba’t ibang pananim, habang ang iba ay naghandog ng mga baka at tupa. Tinamasa ba ng Diyos ang mga iyon? Kinakain ba Niya ang mga bagay na iyon? (Hindi.) Paano mo nalamang hindi Niya kinakain ang mga iyon? Nakita mo ba? Kuru-kuro mo iyon. Sinasabi mong hindi kinakain ng Diyos ang mga iyon—puwes, kung tumikim Siya, ano ang mararamdaman mo? Hindi ba iyon naaayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Hindi ba’t naniniwala ang ilang tao na dahil hindi kinakain o tinatamasa ng Diyos ang mga bagay na iyon, hindi kailangang ihandog ang mga iyon? Paano kayo lubos na nakatitiyak? Sinasabi ninyo bang “hindi kinakain ng Diyos ang mga iyon” dahil iniisip ninyong isa Siyang espirituwal na katawan at hindi makakakain, o dahil iniisip ninyong ang Diyos ay may pagkakakilanlan Niya bilang Diyos, hindi Siya laman at mortal, at hindi Niya dapat tinatamasa ang mga bagay na ito? Nakakahiya ba para sa Diyos na tamasahin ang mga handog na iniaalay sa Kanya ng mga tao? (Hindi.) Hindi ba iyon naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, o hindi ba iyon naaayon sa pagkakakilanlan ng Diyos? Alin ba talaga rito? (Hindi ito dapat talakayin ng mga tao.) Tama iyon—hindi ito isang bagay na dapat alalahanin ng mga tao. Hindi mo kailangang pagdesisyunan na dapat tamasahin ng Diyos ang mga iyon, o na hindi Niya rin dapat tamasahin ang mga iyon. Gawin mo ang dapat mong gawin, tuparin mo ang iyong tungkulin at mga responsabilidad, at tuparin mo ang iyong mga obligasyon—sapat na iyon. Sa gayon ay matatapos mo na ang trabaho mo. Tungkol sa kung paano pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na iyon, trabaho Niya iyon. Ibinabahagi man ng Diyos ang mga ito sa mga tao, o hinahayaang masira ang mga ito, o tinatamasa man Niya ang kaunti sa mga ito, o tinitingnan ang mga ito, hindi ito bukas sa pagpuna, at ito ay lehitimo. May kalayaan ang Diyos pagdating sa kung paano Niya pangangasiwaan ang mga usaping ito. Hindi ito isang bagay na dapat alalahanin ng mga tao, ni hindi ito isang bagay na dapat nilang husgahan. Hindi dapat basta-bastang nag-iisip ang mga tao tungkol sa mga usaping ito, lalong hindi dapat basta-bastang hinuhusgahan o pinagpapasyahan ang mga ito. Nauunawaan mo na ba ngayon? Paano dapat pangasiwaan ng Diyos ang mga handog na ibinibigay sa Kanya ng mga tao? (Pangangasiwaan Niya ang mga iyon ayon sa gusto Niya.) Tama iyon. Ang mga taong nakauunawa nito sa ganoong paraan ay nagtataglay ng normal na katwiran. Pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na ito ayon sa gusto Niya. Maaari Niyang sulyapan ang mga ito, o talagang hindi lang tingnan ang mga ito o pansinin ang mga ito. Alalahanin mo lang ang paghahandog kapag dumating na ang panahon para doon, at maghandog kapag gusto mo, alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at nang may pagtupad sa responsabilidad ng tao. Huwag mong alalahanin kung paano pinangangasiwaan at tinatrato ng Diyos ang gayong mga bagay na ito. Sa madaling salita, sapat na kung ang ginagawa mo ay nasa saklaw ng mga hinihingi ng Diyos, naaayon sa pamantayan ng konsensiya, at naaayon sa tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng sangkatauhan. Tungkol naman sa kung paano pinangangasiwaan at tinatrato ng Diyos ang mga aytem na ito, sariling usapin Niya iyon, at hinding-hindi ito dapat husgahan o pagpasyahan ng mga tao. Nakagawa kayo nang malaking pagkakamali sa loob lang ng ilang segundo. Tinanong Ko kayo kung tinatamasa o kinakain ng Diyos ang mga bagay na ito, at sinabi ninyong hindi Niya kinakain o tinatamasa ang mga iyon. Ano ang pagkakamali ninyo? (Paghusga sa Diyos.) Ito ay padalus-dalos na paglilimita at padalus-dalos na paghusga, at pinatutunayan nitong may hinihingi pa rin ang mga tao sa Diyos sa loob nila. Para sa kanila, mali para sa Diyos na tamasahin ang mga bagay na ito, at mali rin para sa Kanya na hindi tamasahin ang mga ito. Kung tatamasahin Niya, sasabihin nilang, “Isa Kang espirituwal na katawan, hindi isang laman at mortal. Bakit Mo tatamasahin ang mga bagay na ito? Napaka hindi kapani-paniwala nito!” At kung hindi pinapansin ng Diyos ang mga bagay na ito, sasabihin naman ng mga tao, “Puspusan kaming nagtrabaho para ihandog sa Iyo ang aming puso, para hindi Mo man lang tingnan ang mga aytem na inihandog namin sa Iyo. Mayroon Ka bang anumang pagpapahalaga sa amin?” Dito rin ay may masasabi ang mga tao. Ito ay kawalan ng katwiran. Sa kabuuan, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato sa usaping ito? (Dapat ihandog ng mga tao ang dapat nilang ihandog sa Diyos, at sa kung paano pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi talaga dapat magkaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro o imahinasyon tungkol dito, ni hindi rin nila dapat husgahan ito.) Oo—iyon ang katwiran na dapat taglayin ng mga tao. May kinalaman ito sa mga aytem na inihahandog sa Diyos, na isa ring aspekto ng mga handog. Ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos ay kinabibilangan ng malawak na hanay ng mga bagay. Ito ay dahil nabubuhay ang mga tao sa isang materyal na mundo, at bukod sa pera, ginto, pilak, at mga hiyas, marami pang bagay ang itinuturing nilang napakaganda at napakahalaga, at kapag iniisip ng ilang tao ang Diyos o iniisip nila ang pagmamahal ng Diyos, handa nilang ihandog iyong mga itinuturing nilang katangi-tangi at mahalaga sa Diyos. Kapag inihahandog ang mga bagay na ito sa Diyos, nabibilang ang mga ito sa saklaw ng mga handog; nagiging mga handog ang mga ito. At kasabay ng pagiging mga handog ng mga ito, napapasa-Diyos na para pangasiwaan ang mga ito—hindi maaaring galawin ng mga tao ang mga ito, wala ang mga ito sa kontrol ng mga tao, at hindi nabibilang ang mga ito sa mga tao. Kapag inihandog mo na ang isang bagay sa Diyos, pagmamay-ari na ito ng Diyos, wala na sa iyo para pangasiwaan ito, at hindi ka na maaaring makialam sa bagay na ito. Paano man pangasiwaan o tratuhin ng Diyos ang bagay na iyon, wala itong kinalaman sa tao. Ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos ay isa ring aspekto ng mga handog. Nagtatanong ang ilang tao, “Ang pera at mahalagang ginto, pilak, at mga hiyas lang ba ang maaaring maging mga handog? Sabihin, halimbawa, na may naghandog ng isang pares ng sapatos, isang pares ng medyas, o isang pares ng mga insole sa Diyos—maituturing bang mga handog ang mga ito?" Kung susundin natin ang depinisyon ng mga handog, gaano man kalaki o kaliit, o gaano kahalaga o kamura ang isang bagay—kahit isa pa itong panulat o isang piraso ng papel—basta’t inihandog ito sa Diyos, ito ay isang handog.
May isa pang aspekto ng mga handog: mga materyal na aytem na inihahandog sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia. Ang mga bagay na ito ay kabilang din sa kategorya ng mga handog. Ano ang nabibilang sa mga materyal na bagay na ito? Sabihin, halimbawa, na may isang taong bumili ng kotse, at matapos itong imaneho ng ilang panahon,pakiramdam niya ay naging medyo luma na ito, at pagkatapos ay bumili siya ng bagong kotse, at inihandog ang luma sa sambahayan ng Diyos, para magamit ito ng sambahayan ng Diyos sa gawain nito. Ang kotseng ito kung ganoon ay pag-aari na ng sambahayan ng Diyos. Ang mga bagay na pag-aari ng sambahayan ng Diyos ay dapat ituring na mga handog—tama ito. Siyempre, hindi lang mga aparato at kagamitan ang mga tanging bagay na inihahandog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos, mayroon ding iba pang mga bagay; medyo malawak ang saklaw na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Ang ikasampung bahagi na inihahandog ng mga tao mula sa lahat ng nakakamtan nila ay isang handog, gayundin ang pera at mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos; wala kaming pagtutol na ituring ang mga ito bilang mga handog, walang kahina-hinala tungkol dito. Pero bakit ang mga materyal na bagay na inihahandog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos ay nabibilang din sa kategorya ng mga handog? Hindi iyon masyadong makatwiran.” Sabihin mo sa Akin, makatwiran bang ituring nila ang mga ito bilang mga handog? (Oo.) At bakit ninyo sinasabi iyon? (Ang iglesia ay umiiral lang dahil umiiral ang Diyos, at kaya anumang bagay na inihahandog sa iglesia ay isa ring handog.) Mahusay na pagkakasabi. Ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos ay pag-aari ng Diyos, at umiiral lang ang mga ito dahil umiiral ang Diyos; may isang lugar lang para pagtipunan at panirahan ng mga kapatid dahil umiiral ang iglesia, at may lugar lang para lutasin ang lahat ng problema ng mga kapatid, at may isang isang tunay na tahanan lang ang mga kapatid, dahil naroon ang sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng ito ay umiiral lang sa pundasyon ng pag-iral ng Diyos. Hindi naghahandog ang mga tao ng mga bagay sa iglesia at sa sa sambahayan ng Diyos dahil lang sa ang mga tao sa iglesia ay nananampalataya sa Diyos at mga miyembro ng sambahayan ng Diyos—hindi iyon ang tamang dahilan. Dahil sa Diyos kaya naghahandog ng ang mga tao mga bagay-bagay sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos. Ano ang implikasyon nito? Sino ang basta-basta lang na maghahandog ng mga bagay-bagay sa iglesia kung hindi dahil sa Diyos? Kung wala ang Diyos, hindi iiral ang iglesia. Kapag ang mga tao ay may mga bagay na hindi nila kailangan o na sobra sa mga kinakailangan, maaari nilang itapon ang mga iyon o hayaang hindi nagagamit ang mga ito; may ilang maaari ding ibenta. Ang lahat ng paraang ito ay magagamit sa pangangasiwa sa mga bagay na ito, tama? Kaya bakit hindi pinangangasiwaan ng mga tao ang mga iyon sa mga paraang ito—bakit sa halip ay inihahandog nila ang mga iyon sa iglesia? Hindi ba ito dahil sa Diyos? (Oo.) Tumpak na dahil ito sa umiiral ang Diyos kaya naghahandog ang mga tao ng mga bagay-bagay sa iglesia. Kaya, anumang inihahandog sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos ay dapat ikategorya bilang isang handog. Sabi ng ilang tao, “Inihahandog ko sa iglesia ang pag-aari kong ito.” Ang paghahandog ng bagay na iyon sa iglesia ay katumbas ng paghahandog dito sa Diyos, at may ganap na awtoridad ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa gayong mga bagay. Kapag naghahandog ka ng isang bagay sa iglesia, nawawalan ito ng anumang koneksyon sa iyo. Ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia ay makatwirang ilalaan, gagamitin, at pangangasiwaan ang mga mayteryal na aytem na ito ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Kaya, saan nagmumula ang mga prinsipyong ito? Mula sa Diyos. Una sa lahat, ang prinsipyo para sa paggamit ng mga bagay na ito ay na dapat gamitin ang mga ito para sa paggamit ng pamamahala ng Diyos, at para sa pagpapalaganap sa ebanghelyo ng Diyos. Ang mga ito ay hindi para sa eksklusibong paggamit ng sinumang indibidwal, lalong hindi ng anumang grupo ng tao, kundi para sa paggamit sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at para sa iba’t ibang aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, walang sinuman ang may pribilehiyong gamitin ang mga bagay na ito; ang tanging prinsipyo at batayan para sa paggamit at paglalaan ng mga ito ay ang gawin ito ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ito ay makatwiran at wasto.
Ang mga ito ang tatlong bahagi ng depinisyon ng mga handog, na ang bawat isa ay depinisyon ng isang aspekto ng mga handog, at isang aspekto ng saklaw ng mga ito. Malinaw na sa inyo ngayon kung ano ang mga handog, tama? (Oo.) May ilang nagsabi dati, "Ang bagay na ito ay hindi pera, at hindi sinabi ng taong naghandog nito para sa Diyos ito. Sinabi lang niya na inihahandog niya ito. Kaya, hindi ito maaaring para sa paggamit ng sambahayan ng Diyos, at lalong hindi ito maaaring ibigay sa Diyos." At kaya, hindi sila nagpanatili ng tala nito, at ginamit nila ang bagay na iyon nang palihim ayon sa kagustuhan nila. Makatwiran ba iyon? (Hindi.) Ang sinabi nila mismo ay hindi makatwiran; sinabi rin nilang, "Ang mga handog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos ay pag-aari ng lahat—maaaring gamitin ang mga ito ninuman," na malinaw na hindi makatwiran. Ito ay tiyak na dahil sa karamihan sa mga tao ay malabo at hindi malinaw tungkol sa depinisyon at konsepto ng mga handog na ang ilang hamak na kontrabida at ilang tao na may mapag-imbot na puso at mga hindi tamang mithiin ang nagsasamantala sa sitwasyon at iniisip ang tungkol sa pagsunggab sa mga bagay na iyon. Ngayong malinaw na sa inyo ang tumpak na depinisyon at konsepto ng mga handog, magkakaroon kayo ng pagkilatis kapag nakatatagpo kayo ng gayong mga pangyayari at mga tao sa hinaharap.
Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Kaugnay sa Pangangalaga sa mga Handog
I. Wastong Pangangalaga sa mga Handog
Sunod, titingnan naman natin kung ano eksakto ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa pagdating sa pangangalaga sa mga handog. Sa mga handog, dapat munang maunawaan ng mga lider at manggagawa kung ano ang mga handog. Kapag naghahandog ang mga tao ng ikasampung bahagi ng kinikita nila, handog iyon; kapag malinaw nilang sinasabi na naghahandog sila ng pera o mga aytem sa Diyos, mga handog ang mga iyon; kapag malinaw nilang sinasabi na naghahandog sila ng isang aytem sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos, isang handog iyon. Kapag naunawaan na nila ang depinisyon at konsepto ng mga handog, dapat magkaroon ang mga lider at manggagawa ng tiyak na pagkaarok at pamahalaan ang mga inihahandog ng mga tao, at magsagawa ng wastong pagbeberipika kaugnay nito. Una, dapat silang humanap ng mga maaasahang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan para magsilbing mga tagapag-ingat na sistematikong magtatala ng mga handog at mangangalaga sa mga handog. Ito ang unang gampanin sa gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ang mga tagapag-ingat ng mga handog na ito ay maaaring may pangkaraniwang kakayahan at walang kakayahang maging mga lider o manggagawa, pero maaasahan sila, at hindi nila lulustayin ang anuman, habang nasa pag-iingat nila, hindi mawawala o magkakahalo-halo ang mga handog, at mapangangalagaan ang mga ito nang maayos. May mga patakaran sa mga pagsasaayos ng gawain para dito. Walang ibang maaari kundi ang isang maaasahang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan. Kapag may nakikitang isang magandang bagay ang mga taong may mababang pagkatao, pinag-iimbutan nila ito, at palagi silang naghahanap ng mga pagkakataon para kunin ito para sa sarili nila. Anuman ang mangyari, palagi nilang hinahangad na makalamang. Ang gayong mga tao ay hindi maaaring gamitin. Kahit paano ang isang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan ay dapat na isang matapat na tao, isang taong pinagkakatiwalaan ng mga tao. Kung inatasang mangalaga ng mga handog o mamahala ng mga ari-arian ng iglesia, gagawin niya ito nang maayos, maingat, masigasig, at may hustong pangangalaga. Mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso at hindi niya maling ilalaan ang mga bagay na ito, ipahihiram ang mga ito, at iba pa. Sa madaling salita, makatitiyak kang kapag ipinagkatiwala mo ang mga handog sa kanya na walang sentimo ang mawawala at walang bagay ang mawawala. Dapat hanapin ang isang taong gaya nito. Bukod dito, may patakaran ang sambahayan ng Diyos na hindi lang isang taong gayon ang dapat hanapin; pinakamainam ang dalawa o tatlo—na ang ilan sa kanila ay nag-iingat ng mga tala at ang ilan ay nangangalaga. Kapag natagpuan na ang mga taong ito, dapat ikategorya ang mga handog, at dapat gumawa ng mga sistematikong tala ng kung sino ang nangangalaga ng aling kategorya ng bagay, at kung gaano karami ang pinangangalagaan niya. Kapag natagpuan na ang mga angkop na tao at ang mga bagay ay napangalagaan at nairehistro na sa mga kategorya, iyon na ba ang katapusan ng kuwento? (Hindi.) Ano ang dapat sunod na gawin, pagkatapos? Ang mga talaan ng mga kita at gastos ay dapat masuri kada tatlo hanggang limang buwan para makita kung tama ang mga ito—ibig sabihin, kung naging tumpak ang tagapag-ingat ng tala sa kanyang mga tala, kung may nakaligtaan noong inirehistro ito, kung ang kabuuang halaga ay pareho sa mga talaan ng mga kita at gastos, at iba pa. Ang gayong gawain ng pagkukuwenta ay dapat gawin nang maingat. Ang mga lider at manggagawa na hindi masyadong bihasa sa gayong gawain ay dapat isaayos na gawin ito ng isang tao na medyo mahusay rito, at pagkatapos ay magsagawa ng mga regular na inspeksyon at makinig sa mga ulat nito. Sa kabuuan, nauunawaan man nila o hindi ang gawain ng pagkukuwenta at pangkalahatang pagpaplano, hindi nila maaaring pabayaan ang gawain ng pangangalaga ng mga handog, ni hindi nila ito maaaring balewalain at basta hindi na lang magtanong tungkol dito. Sa halip, dapat silang magsagawa ng mga regular na inspeksyon, kinukumusta ang mga kuwentang nasiyasat na at kung nagtutugma ang mga ito, at pagkatapos ay biglaang sinisiyasat ang ilang talaan ng mga gastusin para makita kung ano ang kamakailang sitwasyon ng paggastos, kung may anumang pag-aaksaya, kung ano ang kondisyon ng bookkeeping, at kung tumutugma ang mga kita sa mga gastos. Dapat may matatag na kontrol ang mga lider at manggagawa sa lahat ng pangyayaring ito. Ito ay isang gampanin na kabilang sa pangangalaga sa mga handog. Sasabihin ninyo bang madali ang gampaning ito? May antas ba ng hamon dito? Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Hindi ko gusto ang mga numero; sumasakit ang ulo ko kapag nakikita ko ang mga ito.” Puwes, maghanap ka ng isang angkop na tao para tumulong sa iyo sa mga inspeksyon at pangangasiwa kung ganoon; hayaan mong tulungan ka niyang suriin ang mga bagay na ito. Maaaring hindi mo gusto o hindi ka magaling sa gawaing ito, pero kung alam mo kung paano gamitin ang mga tao at gawin ito nang tama, magagawa mo pa rin nang maayos ang gawaing ito. Gumamit ka ng mga angkop na tao para gawin ito at maaaring makinig ka na lang sa mga ulat nila. Maaari din iyon. Sundin mo ang prinsipyong ito: Regular na suriin at itala ang lahat ng pinangangalagaang ari-arian kasama ng taong namamahala sa gawaing iyon, at pagkatapos ay magtanong ng ilang katanungan tungkol sa mahahalagang gastusin—maisasakatuparan mo ba ito? (Oo.) Bakit dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito? Dahil ito ay pangangalaga sa mga handog—responsabilidad mo ito.
Ang mga inihahandog ng mga tao sa Diyos ay para tamasahin ng Diyos, pero ginagamit ba Niya ang mga ito? May gamit ba ang Diyos sa perang ito at mga aytem na ito? Hindi ba nakaukol ang mga handog na ito sa Diyos para gamitin sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo? Hindi ba’t ang mga ito ay para sa lahat ng gastusin ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Dahil nauugnay ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pamamahala at paggastos ng mga handog ay parehong may kinalaman sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sinuman ang naghandog ng perang ito o saanman nanggaling ang mga aytem na ito, basta’t pag-aari ang mga ito ng sambahayan ng Diyos, dapat mong pamahalaan ang mga ito nang maayos, at dapat mong subaybayan ang gawaing ito, inspeksyunin ito, at alalahanin ang tungkol dito. Kung ang mga inihandog para sa Diyos ay hindi magamit nang maayos para ipalaganap ang gawain ng ebanghelyo ng Diyos, kundi sa halip ay walang habas na winawaldas at inaaksaya ang mga ito, o kinakamkam pa nga o inaangkin ng masasamang tao, naaangkop ba iyon? Hindi ba’t iyon ay isang pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Isa itong pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi nila. Kaya, dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito. Tungkulin nila ito. Ang maayos na pamamahala ng mga handog, ang pagbibigay-kakayahan sa kanila na magamit ang mga ito nang tama sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo at sa anumang gawaing may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, ay responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ito dapat kaligtaan. Maingat na napagsikapan ng mga kapatid na makaipon ng kaunting pera para ihandog sa Diyos. Ipagpalagay na, dahil sa pagiging pabaya at walang ingat ng mga lider at manggagawa sa mga tungkulin nila, ang perang ito ay napasakamay ng masasamang tao—lahat ito ay walang ingat na winaldas at sinayang ng masasamang tao, o kinamkam pa nga ang mga ito. Dahil dito, walang sapat na pera ang mga lider at manggagawa para sa mga gastusin sa paglalakbay o para sa mga gastusin sa pamumuhay, at ni wala ring sapat na pera kapag oras na para mag-imprenta ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o para bumili ng mga kinakailangang aparato at kasangkapan. Hindi ba nito inaantala ang gawain? Kapag ang perang inihandog ng mga kapatid ay napasakamay ng masasamang tao sa halip na magamit nang maayos, at kailangang gumastos ng pera para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pero walang sapat nito, hindi ba’t nahadlangan sa ganoon ang gawain? Hindi ba’t nabigo ang mga lider at manggagawa na tuparin ang responsabilidad nila? (Oo.) Dahil nabigo ang mga lider at manggagawa na tuparin ang responsabilidad nila at hindi napamahalaan nang mahusay ang mga handog, at hindi sila naging mabubuting katiwala o inilagay ang puso nila sa pagtupad ng responsabilidad nila kaugnay sa gawaing ito, nagkaroon ng mga kawalan sa mga handog at naparalisa o natigil sandali ang ilang gawain ng iglesia. Hindi ba’t may malaking responsabilidad ang mga lider at manggagawa rito? Ito ay kasamaan. Maaaring hindi mo kinamkam, winaldas, o inaksaya ang mga handog na ito, at maaaring hindi mo ibinulsa ang mga ito, pero nangyari ang sitwasyong ito dahil sa iyong kapabayaan at pagwawalang-bahala sa responsabilidad. Hindi ba’t dapat mong pasanin ang responsabilidad para dito? (Oo.) Ito ay isang napakalaking responsabilidad na dapat pasanin!
II. Suriin ang mga Kuwenta
Sa gawain nila, bukod sa maayos na pagpapatupad ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain at kakayahang magbahagi ng katotohanan para malutas ang mga problema, dapat pangalagaan nang mabuti ng mga lider at manggagawa ang mga handog. Dapat silang maghanap ng mga angkop na tao, ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, para isagawa ang sistematikong pamamahala ng mga handog, at paminsan-minsan, dapat nilang suriin ang mga kuwenta. Tinatanong ng ilan, “Paano ko masusuri ang mga ito kung hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari?” “Hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari”—katwiran ba ito para hindi suriin ang mga kuwenta? Masusuri mo ang mga ito kahit na hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari; kung hindi ka mismo makapupunta, dapat kang magpadala ng maaasahan at angkop na tao para mangasiwa, at tingnan kung pinangangalagaan ng tagapag-ingat ang mga handog sa angkop na paraan, kung may anumang mga pagkakaiba sa mga kuwenta, kung maaasahan ang tagapag-ingat, kung kumusta ang mga kalagayan niya kamakailan at kung naging negatibo siya, kung natakot siya nang humarap siya sa mga partikular na sitwasyon, at kung may posibilidad ng pagkakanulo. Ipagpalagay na narinig mong kapos sa pera ang pamilya niya—posible bang maaaring mali niyang ilaan ang mga handog? Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagtingin sa sitwasyon, maaaring makita mo na medyo maaasahan ang tagapag-ingat , na alam niyang hindi dapat galawin ang mga handog, at na kahit gaano kakapos sa pera ang pamilya niya, hindi niya ginalaw ang mga handog, at sa pamamagitan ng mahabang panahon ng pagmamasid, maaaring mapatunayan na lubos na maaasahan ang tagapag-ingat. Bukod dito, dapat suriin kung ang nakapalibot na kapaligiran ng tahanan kung saan itinatago ang mga handog ay mapanganib, kung may mga kapatid na naaresto ng malaking pulang dragon doon, kung ang tagapag-ingat ng mga handog ay naharap sa anumang panganib, kung ang mga handog ay nakatago sa isang angkop na lugar, at kung dapat ilipat ang mga ito. Ang kapaligiran at mga sitwasyon ng mga tahanan ng mga tagapag-ingat ay dapat madalas na inspeksyunin, para makagawa ng mga angkop na tugon at plano anumang oras. Habang ginagawa mo ito, dapat ka ring magtanong paminsan-minsan tungkol sa kung aling mga pangkat ang kamakailan lang ay nakakuha ng mga bagong aparato, at kung paano nila nakuha ang mga kagamitang iyon. Kung binili ang mga iyon, dapat mong itanong kung may nagrepaso ng mga aplikasyon at pumirma sa mga ito bago binili ang mga ito, kung binili ang mga ito sa mataas na presyo o sa makatwirang presyo sa pamilihan, kung may hindi kinakailangang pera na nagastos, at iba pa. Sabihing walang nakitang mga isyu sa mga libro sa pagsusuri at pagrepaso ng mga kuwenta, pero natuklasang may ilang mamimili ang madalas na nagwawaldas ng mga handog sa isang maluhong paraan. Gaano man kamahal ang isang bagay, bibilhin nila ito; bukod pa rito, kapag alam na alam nilang magse-sale ang isang produkto, na bababa ang presyo nito, hindi sila maghihintay, at sa halip ay bibilhin nila ito kaagad, at bibilhin nila ang magagandang bagay, ang mamahaling bagay, ang mga pinakabagong modelo. Gumagastos ang mga mamimiling ito ng pera nang walang mga prinsipyo at sa isang maluhong paraan, at ginagastos nila ang mga handog para bumili ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos na parang gumagawa sila ng mga bagay para sa kaaway nila. Hindi sila kailanman bumibili ng mga praktikal na bagay ayon sa mga prinsipyo, kundi naghahanap lang ng kahit anong tindahan at agad na bumibili ng mga bagay-bagay ano pa man ang halaga at kalidad ng mga ito. Kapag naiuwi na ang mga aytem, nasisira ang mga ito sa loob lang ng ilang araw nang paggamit, at hindi ito ipinaaayos ng mga mamimiling itokapag nasira ang mga ito—bumibili sila ng mga bago. Kung sakaling sa pagsusuri ng mga kuwenta at pagrerepaso ng mga gastusing pinansyal, natuklasang may ilang taong lubhang nagwawaldas at nag-aaksaya ng mga handog, paano ito dapat pangasiwaan? Dapat bang bigyan ang mga taong iyon ng babala ng pagdidisiplina, o dapat ba silang pagbayarin ng danyos? Kinakailangan ang pareho, siyempre. Kung matutuklasang wala sa tamang lugar ang puso nila, na sila ay mga simpleng walang pananampalataya, mga hindi mananampalataya, na mga diyablo sila, hindi malulutas ang isyu sa pamamagitan lang ng pagbibigay sa kanila ng babala ng pagdidisiplina o pagpupungos sa kanila. Paano man ibinabahagi ang katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; paano man sila pinupungusan, hindi nila ito seseryosohin. Kung hiningi sa kanilang magbayad ng danyos, gagawin nila ito, pero patuloy pa rin silang kikilos sa parehong paraan sa hinaharap, at hindi sila magbabago. Tiyak na hindi sila kikilos ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; sa halip, kikilos sila nang ayon sa sariling kagustuhan, walang ingat, at walang prinsipyo. Paano dapat pangasiwaan ang ganitong uri ng tao? Magagamit ba sila sa hinaharap? Hindi sila dapat gamitin; kung gagamitin pa rin sila, ang mga lider at manggagawa ay malalaking mangmang—napakahangal lang nila! Kapag natuklasan ang gayong mga hindi mananampalataya, dapat silang tanggalin, itiwalag, at alisin kaagad sa iglesia. Ni hindi sila karapat-dapat na magserbisyo—hindi sila angkop na gawin ito!
Kapag sinusuri ng mga lider at manggagawa ang mga kuwenta at gastusin, maaaring hindi lang nila matagpuan ang mga kaso ng pagwawaldas at pag-aaksaya o ilang hindi makatwirang gastusin—maaari rin nilang matuklasan na ang ilang taong gumagawa ng gawaing ito ay may mababang karakter, na ang mga ito ay hamak at makasarili, at na nagdulot ang mga ito ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Kung matutuklasan mo ang ganitong uri ng sitwasyon, paano mo ito dapat asikasuhin? Madali itong asikasuhin: Dapat mo itong pangasiwaan at lutasin agad-agad—tanggalin ang mga taong iyon, pagkatapos ay pumili ng mga angkop na tao para gawin ang gawain. Ang mga angkop na tao ay nangangahulugang iyong ang pagkatao ay pasok sa pamantayan, na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at na kayang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, bibili sila ng matitipid na bagay na medyo praktikal at matibay rin, mga bagay na mahalagang bilhin. Hindi naman sa nakatuon sila sa pagbili ng mga mumurahing bagay, pero hindi rin nila nararamdaman ang pangangailangang bilhin ang mga pinakamahal na bagay; sa isang grupo ng magkakatulad na produkto pipiliin nila ang mga may medyo magandang pagsusuri at reputasyon, pati na rin ang mga angkop na presyo, at siyempre, at kung mas mahaba ang warranty ng mga ito, lalong mas mabuti. Ito ang uri ng tao na dapat mong hanapin para gawin ang pamimili para sa sambahayan ng Diyos. Dapat tama ang puso niya, at dapat isaalang-alang niya ang sambahayan ng Diyos sa mga pagkilos niya, at pag-isipan ang mga bagay-bagay; dapat din niyang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kumikilos at umaasal nang maayos, nang walang paliguy-ligoy at may kalinawan. Kapag nahanap mo na ang gayong tao, ipangasiwa mo sa kanya ang ilang bagay para sa sambahayan ng Diyos at obserbahan siya. Kung tila medyo angkop siya, maaari siyang gamitin. Pero hindi ito ang katapusan ng kuwento kapag naisaayos na iyon—sa hinaharap, dapat kang makipagkita sa kanya, makipagbahaginan sa kanya, at inspeksyunin ang gawain niya. May ilang nagtatanong, “Dahil ba iyon sa hindi siya dapat pagkatiwalaan?” Hindi ito ganap na dahil sa kawalan ng tiwala—minsan, kahit na mapagkakatiwalaan siya, dapat pa ring magsagawa ng mga inspeksyon. At ano ang dapat inspeksyunin? Tingnan kung nagkaroon ng mga paglihis sa pagsasagawa niya sa mga sitwasyon kung saan hindi niya naunawaan ang mga prinsipyo o kung nagkimkim siya ng baluktot na pagkaarok. Kinakailangan mo siyang tulungan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagbeberipika. Halimbawa, ipagpalagay na sinabi niyang may isang napakapopular na aytem sa pamilihan, pero hindi niya alam kung may gamit ba ito sa sambahayan ng Diyos, at nag-aalala siya na kung hindi niya ito bibilhin ngayon, maaaring hindi na ito mabibili sa hinaharap. Tinanong ka niya kung paano ito pangangasiwaan. Kung hindi mo alam, dapat mong ipatanong sa kanya sa isang taong may kaugnayan sa propesyunal na gawaing iyon. Sinasabi pagkatapos ng propesyunal na iyon na ang aytem ay isang bagong bagay na hindi madalas na magagamit, at na hindi kailangang gumastos ng pera para dito. Gamit ang opinyon ng propesyunal bilang sanggunian, napagpasyahang hindi kailangang bilhin ang aytem, na ang pagbili nito ay isang pag-aaksaya, at ang hindi pagbili nito ngayon ay hindi magiging kawalan. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain nila hanggang sa ganitong antas. Gaano man kahalaga o kawalang kuwenta ang isang bagay, kung nakikita nila ito, naiisip ito, o natutuklasan ang tungkol dito, dapat pare-pareho nilang subaybayan at inspeksyunin ito, at gawin ito sa itinakdang paraan ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa responsabilidad ng isang tao.
May ilang tao na madalas na nag-aaplay para bumili ng ilang aytem, hinihingi sa sambahayan ng Diyos na bilhin ang mga produktong ito, at sa maingat na pagsusuri at pagsisiyasat, karaniwang natutuklasan na isa lang sa limang hiniling na bagay ang kailangang bilhin, at walang pangangailangang bilhin ang apat na iba pa. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? Ang mga aytem na iniaaplay nila ay dapat suriin at isaalang-alang sa isang mahigpit na paraan, hindi dapat minamadaling bilhin ang mga ito. Hindi dapat bilhin ang mga ito dahil lang sinabi ng mga taong iyon na hinihingi ito ng gawain—hindi dapat pahintulutan ang mga taong iyon na arbitraryong mag-aplay para sa mga bagay nang basta-basta sa pagkukunwaring para ito sa gawain nila. Anuman ang gamiting pagkukunwari ng mga taong ito, at gaano man ang kanilang pagmamadali, ang mga lider at manggagawa o ang mga taong namamahala sa mga handog ay dapat na ganap na may matatag na puso. Dapat maingat nilang suriin at siyasatin ang mga bagay na ito; hindi maaaring magkaroon ng kahit kaunting pagkakamali. Ang mga bagay na talagang dapat bilhin ay dapat na saliksikin at aprubahan ng mga lider, at kung ang pagbili ng mga ito ay opsiyonal, dapat itong tanggihan, hindi aprubahan. Kung gagawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito nang maingat, kongkreto, at malaliman, mababawasan nito ang mga pagkakataon na nawawaldas at naaaksaya ang mga handog, at higit pa rito, siyempre, mababawasan nito ang mga hindi makatwirang gastusin. Ang paggawa ng gawaing ito ay hindi lang usapin ng maingat na pagtingin sa kung ano ang mga naitalang kita at gastos sa mga libro, sa kung ano ang mga numero. Pangalawa lang iyon. Ang pinakamahalagang punto ay na dapat nasa tamang lugar ang iyong puso, at na tinatrato mo ang bawat gastusin at bawat tala na para bang tala ito sa sarili mong bank account. Pagkatapos ay titingnan mo ang mga ito nang detalyado, at matatandaan mo ang mga ito, at mauunawaan mo ang mga ito—at kung may pagkakamali o problema, masasabi mo ito. Kung titingnan mo ito bilang mga kuwenta ng ibang tao o mga pampublikong kuwenta, tiyak na magiging bulag ka sa mata at isipan, walang kakayahang matuklasan ang anumang mga problema. May ilang tao na nag-iipon ng kaunting pera sa bangko, at bawat buwan, binabasa nila ang mga statement nila at tinitingnan ang interes, pagkatapos ay sinusuri nila ang mga kuwenta—sinusuri nila kung magkano ang ginagastos nila kada buwan, kung ilang withdrawal ang ginagawa nila, at kung magkano ang idinedeposito nila. Ang bawat tala ay nakatala sa isipan nila, alam nila ang bawat numero gayundin ang sarili nilang adres, at malinaw ito sa isipan nila. Kung may lumilitaw na problema saanman, makikita nila ito kaagad, at hindi nila pinalalampas maging ang pinakamaliit na pagkakamali. Maaaring maging napakaingat ng mga tao sa sariling pera nila, pero nagpapakita ba sila ng parehong pag-aalala sa mga handog sa Diyos? Sa Aking opinyon, hindi ito ipinakikita ng 99.9% ng mga tao, kaya kapag ang mga handog sa Diyos ay ipinagkatiwala sa mga tao para sa pangangalaga, madalas na may mga kaso ng pagwawaldas at pag-aaksaya at iba’t ibang uri ng hindi makatwirang gastusin, pero walang nakararamdam na ito ay isang problema, at ang mga taong responsable para sa gawaing ito ay hindi rin kailanman nakararamdam ng pagkakonsensiya. Mawalan man sila ng isang daang dolyar—kahit mawalan pa sila ng isang libo, sampung libo, wala silang nararamdamang pagsisisi, pagkakautang, o pamamaratang sa puso nila. Bakit masyadong magulo ang isip ng mga tao pagdating sa usaping ito? Hindi ba’t ipinakikita nitong wala sa tamang lugar ang puso ng karamihan ng tao? Paanong masyadong malinaw sa iyo kung magkano ang naipon mong pera sa bangko? Kapag pansamantalang idineposito ang pera ng sambahayan ng Diyos sa iyong account, para pangalagaan mo ito, hindi mo ito siniseryoso o inaalala ang tungkol dito. Anong mentalidad ito? Hindi ka man lang tapat pagdating sa pangangalaga ng mga handog sa Diyos, kaya mananampalataya ka pa rin ba ng Diyos? Ang saloobin ng mga tao sa mga handog ay patunay ng saloobin nila sa Diyos—ang saloobin nila sa mga handog ay napakakapansin-pansin. Walang pakialam ang mga tao sa mga handog at hindi sila nagmamalasakit tungkol sa mga ito. Hindi nila ikalulungkot kung mawawala ang mga handog; hindi nila inaako ang responsabilidad, at wala silang pakialam. Kaya, hindi ba’t pareho lang ang saloobin nila sa Diyos? (Oo.) May sinuman bang nagsasabing, “Ang mga handog sa Diyos ay sa Kanya. Hangga’t hindi ko pinag-iimbutan o kinukuha ang mga iyon, ayos lang ang lahat. Ang sinumang kumakamkam sa mga ito ay parurusahan—usapin nila iyon, at nararapat lang ito sa kanila. Wala itong kinalaman sa akin. Wala akong obligasyong mag-alala tungkol dito”? Tama ba ang pahayag na ito? Malinaw na hindi. Saan ito nagkamali, kung gayon? (Hindi tama ang puso niya; hindi niya ipinagtatanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi niya pinoprotektahan ang mga handog.) Ano ang tulad sa pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Makasarili at hamak ito. Masyado niyang inaalala ang sarili niyang mga bagay at pinoprotektahan ang mga ito nang napakaayos, pero hindi siya nagmamalasakit o nagtatanong tungkol sa mga handog sa Diyos. Napakababa ng kalidad ng pagkatao ng mga taong tulad nito.) Unang-una, makasarili at hamak ito. Hindi ba’t walang puso ang ganitong uri ng mga tao? Sila ay makasarili at hamak, walang puso, at walang damdamin ng tao. Maaari bang mahalin ng gayong mga tao ang Diyos? Makapagpapasakop ba sila sa Kanya? Maaari ba silang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Para saan ang pagsunod sa Diyos ng gayong mga tao, kung ganoon? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan ito? Kung paano tratuhin ng isang tao ang mga handog sa Diyos ay lubos na naglalantad sa kung ano ang kalikasan niya. Hindi naman talaga kayang gawin ng mga tao ang kahit anong bagay para sa Diyos. Kahit na kaya nilang gumawa ng kaunting tungkulin, napakalimitado niyon. Kung hindi mo man lang magawang tratuhin ang mga handog—na pag-aari ng Diyos—nang tama o pangalagaan ang mga ito nang maayos, kung nagkikimkim ka ng ganitong uri ng pananaw at saloobin, hindi ba’t ikaw ay isang taong pinakawalang pagkatao? Hindi ba’t kasinungalingan ang sabihin mong mahal mo ang Diyos? Hindi ba’t mapanlinlang ito? Napakamapanlinlang nito! Wala talagang pagkatao sa ganitong uri ng tao—ililigtas ba ng Diyos ang gayong hamak?
III. Pagsubaybay, Pagsusuri, at Pag-iinspeksiyon ng Lahat ng Uri ng Gastos, Pagsasagawa ng Mahigpit na Pagbeberipika
Para maging mabuting tagapangasiwa ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa, ang unang gawain na dapat nilang gawin nang maayos ay ang pamahalaan nang tama ang mga handog. Higit sa tamang pangangalaga sa mga handog, dapat silang magsagawa ng mahigpit na pagbeberipika sa mga paggastos ng mga handog. Ano ang ibig sabihin ng magsagawa ng mahigpit na pagbeberipika? Unang-una, ang ibig sabihin nito ay ganap na alisin ang mga hindi makatwirang gastos, at pagsikapang gawing makatwiran at epektibo ang bawat paggastos ng mga handog, sa halip na nawawaldas at nasasayang ang mga handog. Kung may matuklasang mga kaso ng pag-aaksaya o pagwawaldas, hindi lang dapat agarang pahintuin ng mga lider at manggagawa ang mga ito, kundi dapat ding panagutin ang mga ito, at tukuyin din ang mga angkop na tao para gawin ang gawain. Dapat alam ng mga lider at manggagawa kung saan eksaktong napupunta ang bawat gastos at kung para saan ang bawat gastos sa loob ng saklaw ng pamamahala nila—dapat nilang suriin nang mahigpit ang mga ito. Halimbawa, kung kulang sa bentilador ang isang silid, dapat magbigay sila ng mga parametro para sa kung sino ang bibili nito, magkano ang gagastusin dito, at anong mga gamit ang pinakaangkop na mayroon ito. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Abala kami; wala kaming oras na sumama para bumili nito.” Hindi hinihingi sa iyo na ikaw mismo ang pumunta at bumili nito. Dapat kang kumuha ng isang mabuting tao, isang taong may kakayahan para pangasiwaan ang gampaning ito. Huwag kang kumuha ng isang masamang tao na mangmang at na ang puso ay nasa maling lugar para bumili nito. Alam ng mga taong may normal na pagkatao na dapat silang bumili ng mga bagay na may mga angkop na gamit at angkop na presyo—walang silbi ang mga labis ang gamit, at mas mahal ang halaga ng mga ito. Ang mga naghahanap ng kasiyahan na ang mga puso ay wala sa tamang lugar, sa kabaligtaran, ay bumibili ng mga hindi praktikal na bagay na may halo-halong iba’t ibang uri ng gamit, na mas mahal ang halaga. Dapat magtaglay ng katwiran ang mga mamimili; dapat nilang maunawaan ang mga prinsipyo. Ang mga biniling aytem ay dapat na praktikal nang hindi nagkakahalaga nang malaki, at ituring na angkop ng lahat. Kung kukuha ka ng isang iresponsableng tao na mahilig gumastos at magwaldas ng pera para gawin ang pagbiling ito, magbabayad lang siya nang mahal para sa pinakamamahaling klase ng air conditioner, na sampung beses na mas mahal kumpara sa halaga ng pagbili ng isang bentilador. Naniniwala siya na bagaman mas mahal ito, ang mga tao ang dapat na pangunahin nating priyoridad—na ang air conditioner ay hindi lang sumasala ng hangin, maaari din nitong baguhin ang halumigmig at temperatura, at mayroon itong iba’t ibang timer at setting. Hindi ba’t pag-aaksaya iyon? Pag-aaksaya at pagwawaldas ito. Ang taong iyon ay naghahanap ng kasiyahan, at gumagastos siya ng pera para sa katuwaan, para magpasikat, hindi para bumili ng mga praktikal na bagay. Nasa maling lugar ang puso ng gayong mga tao. Kung mamimili sila para sa sarili nila, maghahanap sila ng mga paraan para makatipid ng pera, maghahanap ng mga aytem na may deskuwento, at susubukang makipagtawaran. Magtitipid sila kung kaya nila—mas mura, mas mabuti. Pero kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang perang ginagastos nila, wala silang pakialam. Ni hindi man lang sila nag-aabalang tingnan ang mga murang bagay; gusto lang nilang bumili ng mamahalin, de-kalidad, at pinakabagong kagamitan. Ibig sabihin nito ay na wala sa tamang lugar ang puso nila. Magagamit ba ang mga tao na nasa maling lugar ang puso? (Hindi.) Kapag nangangasiwa ng mga gampanin para sa sambahayan ng Diyos, ang mga tao na nasa maling lugar ang puso ay gumagawa lang ng mga kakatwa at walang kuwentang bagay. Hindi sila gumagastos ng pera sa mga tamang bagay; inaaksaya at winawaldas lang nila ang mga handog, at bawat isa sa mga gastos nila ay hindi makatwiran.
May ibang tao na may kaisipan ng karukhaan at naniniwala silang dapat nilang bilhin ang mga pinakamurang bagay kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, mas mura mas mabuti. Iniisip nila na ito ay pagtitipid ng pera ng sambahayan ng Diyos, kaya eksklusibo silang bumibili ng mga lipas na at mababang kalidad na bagay. Bilang resulta, binibili nila ang mga pinakamurang makina na mahinang klase. Nasisira ang mga makinang ito sa oras na ginamit ang mga ito, at hindi na makukumpuni at hindi na magagamit ang mga ito. Kung gayon ay kinakailangang bumili ng iba pa na sapat ang kalidad, at na magagamit nang normal, at kaya dagdag na pera na naman ang ginastos. Hindi ba’t kahangalan ito? Dapat tawaging kuripot ang gayong mga tao, at nagtataglay sila ng kaisipan ng karukhaan. Palagi nilang gustong makatipid ng pera ang sambahayan ng Diyos, at ano ang ibinubunga ng lahat ng paghihigpit at pagtitipid nila? Nauuwi ito sa pag-aaksaya, sa pagwawaldas ng pera. Nagpapalusot pa nga sila: “Hindi ko sinasadya. May mabuti akong layunin—sinusubukan ko lang makatipid ng pera ang sambahayan ng Diyos—ayaw kong gumastos ng pera nang walang pakundangan.” May anumang silbi ba ang hindi nila pagkagustong gawin iyon? Sa katunayan, walang pakundangan silang gumagastos ng pera, nagdudulot sila ng pag-aaksaya, at kumukonsumo talaga ito ng pera at lakas-tao. Hindi rin maaaring gamitin ang gayong mga tao—mga mangmang sila, hindi sila sapat na matalino. Sa madaling salita, hindi dapat gamitin ang mga taong ang puso ay nasa maling lugar para mamili para sa sambahayan ng Diyos, at hindi rin ang mga mangmang. Iyong mga dapat gamitin ay matatalinong tao na may partikular na dami ng karanasan sa pamimili at isang partikular na kakayahan, at na tumitingin sa lahat ng bagay sa isang hindi baluktot na paraan. Anuman ang binibili, dapat praktikal ito, at dapat makatwiran ang presyo nito, at kahit masira ito, dapat madali itong makumpuni, at dapat madaling makabili ng mga piyesa nito. Makatwiran iyon. Pagkatapos na bumili ng isang bagay ang ilang tao, makikita nilang may isang buwang palugit ito para maibalik at magmamadali sila para subukan ito, at makukuha nila ang mga resulta sa loob ng buwang iyon. Kung may kaunti itong depekto at hindi gumagana nang maayos, ibabalik nila ito kaagad, at pipili ng iba, binabawasan ang mga pagkalugi. Ang mga taong ito ay may medyo mabuting pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay bumibili ng isang bagay, pagkatapos ay itinatapon ito. Hindi nila sinusubukang tingnan kung may anumang mali rito o kung matibay ito, ni hindi nila tinitingnan kung gaano katagal ang warranty nito o kung gaano katagal nila ito dapat ibalik—wala silang pakialam sa alinman dito. Kapag isang araw ay bigla silang nagkaroon ng interes sa aytem na iyon, kukuhanin nila ito at susubukan ito, at saka lang nila matutuklasang sira ito. Susuriin nila ang resibo at makikitang lumampas na ang panahon para maibalik ito, at hindi na maibabalik pa ang aytem. Sasabihin nila pagkatapos, “Bumili na lang tayo ng isa pa kung ganoon.” Hindi ba’t pag-aaksaya iyon? “Bumili na lang tayo ng isa pa”—sa pariralang iyon, kailangang magbayad ng sambahayan ng Diyos ng panibagong halaga ng pera. Ang pag-aaplay para bumili ng isa pa, sa panlabas ay tila para sa kapakanan ng gawain ng iglesia, at isang makatwirang gastusin, gayong sa katunayan, sa kaibuturan ng lahat ng ito, dahil ito sa pagiging pabaya nila sa mga tungkulin nila sa hindi agarang pagsusuri sa aytem pagkatapos nila itong bilhin. Naaksaya ang isang bahagi ng mga handog, at ang isa pa ay ipinambayad, at wala pa ring isang mabuting tao para mangalaga sa bagong aytem, kaya ito rin ay nagamit lang sa maikling panahon bago ito masira. Nakagugulat na walang namamahala sa mga bagay na ito, walang nangangasiwa sa mga problemang lumilitaw—ano ang ginagawa ng mga lider at manggagawa? Ganap silang naging pabaya sa mga responsabilidad nila kaugnay ng gawaing ito—hindi nila nagampanan ang tungkulin nila ng pangangasiwa, pag-iinspeksiyon, at pagsasagawa ng pagbeberipika, kaya’t nawaldas at naaksaya nang ganito ang mga handog. Kung mga responsableng tao ang mga mamimili, kaagad nilang ibabalik ang isang aytem na binili nila kapag nakita nilang hindi ito praktikal. Binabawasan nito ang pagkalugi at pag-aaksaya. Kung mga iresponsableng tao sila na nasa maling lugar ang puso, bibili sila ng mga bagay na may mababang kalidad, sa gayon ay naaaksaya ang mga handog. Kung gayon, kanino ba talaga dapat isisi ang pagkalugi ng perang ito? Hindi ba’t may responsabilidad dito ang mamimili at ang mga lider at manggagawa? Kung maingat, kongkreto, at masusing pinangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang usaping ito, hindi ba’t natuklasan na dapat ang mga problemang ito? Hindi ba’t naiwasto na dapat ang mga kamaliang ito? (Ganoon na nga.) Kung madalas na pumupunta ang mga lider at manggagawa sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar para inspeksiyunin ang kalagayan ng paggastos ng mga handog, magagawa nilang makita ang mga problema, at maaalis ang ganitong uri ng pagwawaldas at pag-aaksaya. Kung ang mga lider at manggagawa ay tamad at iresponsable, ang mga kasong ito ng hindi makatwirang paggastos at ng pagwawaldas at pag-aaksaya ay paulit-ulit na lilitaw—patuloy itong darami. Ano ang nagdudulot ng pagdaming ito? Hindi ba’t may kinalaman ito sa hindi paggawa ng mga lider at manggagawa ng tunay na gawain, at sa halip ay iniaangat nila ang sarili nila sa iba at kumikilos na parang mga walang silbing opisyal? (Oo.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay walang konsensiya o katwiran, at wala silang pagkatao. Dahil ang lahat ng perang ginagastos ng iglesia ay pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at lahat ito ay mga handog sa Diyos, at naniniwala silang wala itong kinalaman sa kanila, hindi sila nagmamalasakit o nagtatanong tungkol dito, at binabalewala nila ito. Naniniwala ang karamihan ng tao na dapat gastusin ang pera ng sambahayan ng Diyos, na ayos lang na gastusin ito sa anumang paraan, na basta’t hindi nila ito ibinubulsa o nilulustay, hindi mahalaga kung masayang ito, at na mga tao lang ito na bumibili ng karanasan at nagpapalawak ng kanilang pananaw. Nagbubulag-bulagan lang ang mga lider at manggagawa rito: “Maaaring gastusin ninuman ang perang iyon paano man niya gusto, at bilhin anuman ang gusto niya. Hindi mahalaga kung gaano karami ang naaaksaya—sinumang nag-aaksaya ng pera ay may pananagutan dito, at haharap siya sa paghihiganti at kaparusahan sa hinaharap—wala itong kinalaman sa akin. Hindi naman ako ang gumagastos nito, at hindi ko pera ang ginagastos.” Hindi ba’t ito ang parehong pananaw at saloobing kinikimkim ng mga walang pananampalataya sa paggastos ng mga pampublikong pondo? Para bang ginagastos nila ang pera ng mga kaaway nila. Kapag nagtatrabaho ang mga walang pananampalataya sa isang pabrika, kung maluwag ang pamamahala, ang mga aytem ng komunidad ay palaging mananakaw at madadala sa mga tahanan nila o masisira nang basta-basta, at kung may masira, hihingin nila sa pabrika na bumili ng bago. Kapag namimili sila para sa pabrika, eksklusibo silang bibili ng magaganda at mga mamahaling bagay. Sa anumang kaso, arbitraryong magagastos ang pera, at nang walang anumang mataas na limitasyon. Kung ang mga mananampalataya ng Diyos ay mayroon ding gayong mentalidad sa mga handog, maliligtas ba sila? Gagawa ba ang Diyos sa gayong grupo ng mga tao? (Hindi.) Kung may saloobing tulad nito ang mga tao sa mga handog sa Diyos, dapat malaman mo nang hindi Ko sinasabi sa iyo kung anong uri ng saloobin mayroon ang Diyos sa mga taong iyon.
Ang pinakadirektang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang saloobin niya sa Diyos ay sa saloobin niya sa mga handog. Anuman ang saloobin mo sa mga handog, iyon ang saloobin mo sa Diyos. Kung tinatrato mo ang mga handog tulad ng pagtrato mo sa mga tala sa iyong sariling bank account—masusi, may atensiyon sa detalye, maingat, mahigpit, responsable, at lubusan—halos katulad nito ang saloobin mo sa Diyos. Kung ang saloobin mo sa mga handog ay tulad ng iyong saloobin sa pampublikong ari-arian, sa mga gulay sa palengke—kaswal na bumibili ng kaunti ng anumang kailangan mo at hindi man lang tinitingnan ang anumang gulay na hindi mo gusto, hindi pinapansin ang mga ito saan man nakasalansan ang mga ito, walang pakialam kung may kumukuha at gumagamit sa mga ito, nagkukunwaring hindi nakikita kapag nahulog ang mga ito sa lupa at natatapakan ang mga ito ng iba, naniniwalang ang lahat ng ito ay walang kinalaman sa iyo—nagbabadya iyon ng problema para sa iyo. Kung ganoon ang uri ng saloobin na mayroon ka sa mga handog, isa ka bang responsableng tao? Magagawa ba ng isang taong tulad mo ang isang tungkulin nang maayos? Malinaw kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ka. Sa madaling salita, sa gawain ng pamamahala sa mga handog, ang pangunahing responsabilidad ng mga lider at manggagawa, bukod sa pangangalaga sa mga ito nang maayos, ay na dapat nilang subaybayan ang kasunod na gawain—ang pinakamahalaga, dapat nilang regular na suriin ang mga kuwenta, pati na rin subaybayan, imbestigahan, at inspeksiyunin ang lahat ng uri ng gastos, at na magsagawa ng mahigpit na pagbeberipika. Dapat ganap nilang alisin ang mga hindi makatwirang gastos bago ito magresulta sa pagwawaldas at pag-aaksaya; at kung humantong na ang mga hindi makatwirang gastos sa mga bagay na iyon, dapat nilang panagutin ang mga responsable, bigyan ng babala ang mga ito, at pagbayarin ng kompensasyon ang mga ito. Kung hindi mo man lang magawa nang maayos ang gawaing ito, magmadali ka at magbitiw—huwag mong okupahin ang posisyon ng isang lider o manggagawa, dahil hindi mo kayang gawin ang gawain ng isang lider o manggagawa. Kung hindi mo man lang kayang pangasiwaan ang gawaing ito at hindi mo ito magawa nang maayos, anong gawain ang magagawa mo? Sabihin mo sa Akin nang sistematiko: Ilang mga gampanin ang naroroon, sa kabuuan, na dapat gawin ng mga lider at manggagawa kaugnay sa mga handog? (Ang una ay ang pangangalaga sa mga ito. Ang pangalawa ay ang pagsiyasat sa mga kuwenta. Ang pangatlo ay ang pagsubaybay, pagsusuri, at pag-iinspeksiyon ng lahat ng uri ng gastos, at pagsasagawa ng mahigpit na pagbeberipika; dapat alisin ang mga hindi makatwirang gastos, at sino pa man ang nagdudulot ng pagwawaldas o pag-aaksaya, dapat silang panagutin at pagbayarin ng kompensasyon.) Madali bang gumawa alinsunod sa mga hakbang na ito? (Oo.) Ito ay isang malinaw na tinukoy na paraan ng paggawa. Kung hindi mo man lang magawa ang gayong simpleng gawain, ano ang magagawa mo bilang isang lider o manggagawa—bilang isang tagapangasiwa ng sambahayan ng Diyos? May mga pangyayari na nawawaldas at naaaksaya ang mga handog sa bawat pagkakataon, at kung, bilang isang lider o manggagawa, wala kang kamalayan dito at hindi ka talaga nalulungkot tungkol dito, nasa puso mo man lang ba ang Diyos—may lugar ba roon para sa Kanya? Kaduda-duda ito. Sinasabi mo na dakila ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso at na mayroon ka talagang may-takot-sa-Diyos na puso, pero kapag nawawaldas at naaaksaya ang mga handog Niya nang ganito, parang wala kang kamalayan nito at hindi ka talaga nalulungkot tungkol dito—hindi ba’t nagiging kaduda-duda ang pagmamahal at takot mo sa Diyos? (Ganoon nga.) Maging ang pananalig mo ay kaduda-duda, lalo na ang iyong pagmamahal at takot sa Diyos. Hindi matatag ang pagmamahal at takot mo sa Diyos—hindi ito mapaninindigan! Ang maayos na pangangalaga sa mga handog ay isang obligasyon na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at ito rin ay kanilang hindi matatakasang responsabilidad. Kung hindi mapangangalagaan ang mga handog nang maayos, ito ay kapabayaan ng responsabilidad sa bahagi nila—masasabi na ang lahat ng hindi maayos na nangangalaga sa mga handog ay mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa.
IV. Agarang Alamin ang Kinaroroonan ng mga Handog, Pati na rin ang Iba’t Ibang Kalagayan ng mga Tagapag-ingat ng mga Ito
Bukod sa pag-iinspeksiyon sa kalagayan ng paggastos ng mga handog at paglutas sa mga hindi makatwirang gastos, may isa pang pinakamahalagang gampanin ang mga lider at manggagawa: Dapat agaran nilang alamin ang kinaroroonan ng mga handog, pati na rin ang iba’t ibang kalagayan ng mga tagapag-ingat ng mga ito. Ang layunin nito ay para mapigilan ang masasamang tao, mga taong may masasamang balak, at mga taong may mapag-imbot na puso sa pagsasamantala sa mga pangangasiwa para kamkamin ang mga handog. Nakikita ng ilang tao na ang sambahayan ng Diyos ay may napakaraming bagay, at na ang ilan ay walang sinumang nagbabantay sa mga ito o nag-iingat ng mga tala ng mga ito, at kaya palagi nilang iniisip ang tungkol sa kung kailan nila gagawing sariling pribadong ari-arian nila ang mga bagay na iyon, at kukunin ang mga ito para sa sarili nilang paggamit. May ganitong mga tao kahit saan. May ilang tao na sa panlabas ay tila hindi nananamantala ng iba at walang malaking pagnanais para sa mga materyal na bagay o pera, pero iyon ay dahil hindi tama ang sitwasyon at mga kondisyon—kung ipagkakatiwala talaga sa kanila ang mga handog para sa pangangalaga, maaari nilang kamkamin ang mga ito. Tinatanong ng ilan, “Pero napakabuting tao nila noon: Hindi sila mapag-imbot, at mabuti ang karakter nila—kaya’t bakit ibinunyag sila ng simpleng pagkakatiwala sa kanila ng kaunting handog?” Nagmumula ito sa hindi mo paggugol ng maraming oras kasama ang mga taong ito, sa hindi mo lubos na pagkaunawa sa kanila, sa hindi pagkilatis sa kalikasang diwa nila. Kung napagtanto mo noong simula pa lang na ganitong uri sila ng tao, naiwasan sana ang kamalasang napasakamay ng masasamang tao ang mga handog. Kaya, para maiwasan na mapasakamay ng masasamang tao ang mga handog, may isa pang mas mahalagang gampanin ang mga lider at manggagawa: agarang alamin ang kinaroroonan ng mga handog at manatiling nakasubaybay rito at sa iba’t ibang kalagayan ng mga tagapag-ingat ng mga ito. Sabihin nating may isang tao na may ilang daan o ilang libong dolyar sa pag-iingat niya para pamahalaan, kung may kaunti siyang konsensiya, hindi niya ito lulustayin—pero kung sampu-sampu o daan-daang libo ito, hindi maaasahan ang karamihan ng tao, magiging mapanganib ito, at maaaring magbago ang puso nila pagkatapos. Paano maaaring magbago ang puso nila? Hindi madaling mapagbabago ng ilang daan o libo ang puso ng isang tao, pero sa sampu-sampung libo o daan-daang libo, maaaring madaling mapagbago ang puso nila. “Hindi ko kikitain ang ganitong halaga sa ilang habambuhay, at ngayon ay nasa mga kamay ko na ito—magiging mas maginhawa ang buhay ko kung akin ito!” Pinag-iisipan nila ito: “Hindi ako nakukonsensiya sa pag-iisip nang ganito—kaya may diyos ba talaga o wala? Nasaan ang diyos? Hindi ba’t totoo na walang nakaaalam na mayroon ako ng ganitong mga kaisipan? Walang nakaaalam, at hindi ako nakukonsensiya o nababahala—ibig sabihin ba nito na walang diyos? Kung ganoon kung kukunin ko ang perang ito para sa sarili ko, hindi ba ako mahaharap sa anumang parusa o paghihiganti? Wala bang magiging mga kahihinatnan?” Wala ba sa proseso ng pagbabago ang puso ng taong ito? Wala ba sa panganib ang mga handog na nasa pangangalaga niya? (Nasa panganib ang mga ito.) Bukod dito, may ilang taong namamahala sa mga handog na talagang mahusay—may pundasyon sila sa pananampalataya nila sa Diyos, at tapat sila sa mga kilos nila, at kahit ilagay mo pa sa pangangalaga nila ang ilang sampu o daang libong dolyar, magagawa nila ito nang maayos, at garantisadong hindi nila ito lulustayin. Pero may ilang walang pananampalataya sa mga pamilya nila, at kapag nakakakita ng pera ang mga taong iyon, namumula ang mga mata nila, gaya ng kapag natunton ng isang lobo ang biktima nito. Kalimutan na ang tungkol sa sampu-sampu o daan-daang libo—ibubulsa nila ang isang libong dolyar, kung makita nila ito. Wala silang pakialam kung kanino ito; naniniwala sila na pag-aari ito ng sinumang makapagbubulsa nito, ng sinumang unang makakukuha nito. Kung may ganitong masasamang lobo sa paligid ng taong nangangalaga sa mga handog, hindi ba’t nanganganib kung ganoon na makamkam ang mga handog saanman, anumang oras? Maaari bang mangyari ang gayong sitwasyon? (Maaari.) Hindi ba’t mapanganib kung ang mga lider at manggagawa ay pabaya at walang pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi man lang nila ito napapansin o nagtatanong tungkol dito at hindi ito sinisiyasat kapag nasa gayong mapanganib na sitwasyon ang mga handog? Maaaring magkaroon ng pagkakamali saanman, anumang oras. May isa pang uri ng sitwasyon: May ilang tagapag-ingat na parehong nangangalaga ng pera at iba’t ibang aytem sa tahanan nila, at nagho-host din sila ng mga kapatid at mga lider at manggagawa roon. Maaaring medyo ligtas ito pansamantala, pero angkop ba na itago ang mga handog doon nang mahabang panahon? (Hindi.) Kahit na ang taong nangangalaga ng mga ito ay angkop, ang kapaligiran at mga kondisyon ay tiyak na hindi. Maaaring tatanggalin ang mga taong hino-host nila, o hindi kaya ay kukunin ang mga handog. Kung hindi sinisiyasat ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito ni tinutupad ang responsabilidad nila kaugnay rito, maaaring magkaroon ng pagkakamali saanman, anumang oras; maaaring dumanas ng pagkalugi ang mga handog at mapasakamay ng mga demonyo saanman, anumang oras. May isa pang uri ng sitwasyon: May ilang iglesia na nasa mga delikadong kapaligiran kung saan madalas na inaaresto ang mga tao, at dahil dito, napakadaling maipagkanulo ang mga tahanan na nangangalaga ng mga handog, at masalakay at mahalughog ng malaking pulang dragon—ang mga handog ay maaaring nakawin ng mga demonyo anumang oras. Angkop ba ang gayong mga lugar para pag-imbakan ng mga handog? (Hindi.) Kaya, kung nailagay na ang mga ito roon, ano ang dapat gawin? Kaagad ilipat ang mga ito. May ilang lider at manggagawa na hindi tumutupad sa responsabilidad nila at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Hindi nila magawang mahulaan o maisip ang mga bagay na ito, wala silang kamalayan sa mga ito, at kapag lang may nangyaring mali at natangay ng mga demonyo ang mga handog, na naiisip nila, “Dapat sana ay nailipat na natin ang mga iyon noon,” at nakararamdam lang ng ganitong bahagyang pagsisisi. Pero kung walang nangyayaring mali, maaaring lumipas ang sampung taon pa, at hindi pa rin nila ililipat ang mga handog. Hindi nila makita ang mga seryosong kahihinatnan na maaaring idulot ng isyung ito, at hindi nila magawang isapriyoridad ang mga bagay-bagay batay sa kahalagahan at agarang pangangailangan. Dapat may malinaw na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa sa ganitong sitwasyon kapag nakaharap nila ito: “Ang isa sa mga lugar kung saan iniimbak ang mga handog ay hindi angkop. Napakamapanganib ng kapaligiran, at medyo maraming kapatid ang naaresto, natiktikan, o namanmanan sa paligid. Kailangang makaisip tayo ng paraan para mailabas ang mga handog mula roon. Ang paglipat sa mga ito sa isang medyo mas ligtas na lugar ay mas mabuting hakbang kaysa iwan ang mga ito kung saan naroroon ang mga iyon at hintaying matangay ang mga iyon.” Kapag kalilitaw pa lang ng isang sitwasyon at nakikini-kinita nilang nasa panganib ang mga handog, dapat nilang agarang ilipat ang mga ito, para maiwasang manakaw at malamon ang mga ito ng malaking pulang dragon na demonyo. Ito lang ang tanging paraan para matiyak ang kaligtasan ng mga handog at maiwasang mangyari ang anumang panganib o pagkakamali. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Sa sandaling may kahit katiting na tanda ng panganib, sa sandaling may naaresto, o sa sandaling may isang sitwasyon na lumitaw, ang unang iniisip dapat ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ang mga handog, kung maaari bang mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao, maangkin ng mga ito, o manakaw ng mga demonyo, at kung dumanas ba ng anumang pagkalugi ang mga handog. Dapat kaagad silang gumawa ng mga hakbang para protektahan ang mga handog. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Ang paggawa ng mga bagay na ito ay nangangailangan na humarap kami sa mga panganib. Maaari ba nating hindi gawin ang mga ito? Hindi ba totoo na ang mga tao ang pangunahin nating priyoridad, na ibig sabihin na hindi kailangang unahin ang mga handog at dapat unahin ang mga tao?” Ano ang palagay mo sa tanong na ito? May pagkatao ba ang mga taong ito? (Wala.) Ang mahusay na pangangalaga sa mga handog, mahusay na pamamahala sa mga ito, at maingat na pagbabantay sa mga ito—ito ang mga responsabilidad na dapat isakatuparan ng isang mabuting katiwala. Sa mas seryosong salita, kahit kailanganin mo pang isakripisyo ang iyong buhay, sulit ito at ito ang dapat mong gawin. Responsabilidad mo ito. Palaging sumisigaw ang mga tao, “Ang mamatay para sa Diyos ay isang karapat-dapat na kamatayan.” Tunay bang handang mamatay ang mga tao para sa Diyos? Hindi hinihingi sa iyo ngayon na mamatay para sa Diyos; hinihingi lang sa iyo na humarap ka sa kaunting panganib para ligtas na mapangalagaan ang mga handog. Handa ka bang gawin iyon? Dapat masaya mong sabihin, “Handa ako!” Bakit? Dahil ito ang atas at hinihingi ng Diyos sa tao, ito ang iyong hindi maiiwasang responsabilidad, at hindi mo dapat subukang takasan ito. Dahil sinasabi mong mamamatay ka para sa Diyos, bakit hindi mo kayang magbayad ng kaunting halaga at humarap sa kaunting panganib para mapangalagaan ang mga handog? Hindi ba’t ito ang dapat mong gawin? Kung wala kang ginagawang anumang tunay, pero palagi kang sumisigaw tungkol sa kahandaang mamatay para sa Diyos, hindi ba’t hungkag ang mga salitang ito? Dapat magkaroon ng dalisay na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa tungkol sa gawain ng pangangalaga sa mga handog, at dapat nilang pasanin ang responsabilidad na ito. Hindi nila ito dapat iwasan o takasan, hindi sila dapat tumakas mula sa responsabilidad nila. Dahil isa kang lider o manggagawa, ito ay isang tungkuling nakaatang sa iyo. Mahalagang gawain ito—handa ka bang gawin ito, kahit na may kaunting panganib kang hinaharap, kahit na nakataya ang iyong buhay? Dapat mo bang gawin ito? (Oo.) Dapat maging handa kang gawin ito; hindi mo dapat talikuran ang responsabilidad na ito. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao at ang atas na ibinigay Niya sa tao. Sinabi na sa iyo ng Diyos ang Kanyang pinakamababang hinihingi at atas—kung hindi ka man lang handang isakatuparan ito, ano ang kaya mong gawin?
Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain ng pangangalaga at paggastos sa mga handog nang masusi at kongkreto hangga’t maaari. Hindi sila dapat maging pabaya rito, at lalong hindi nila dapat ituring ito na parang usapin ng iba at talikuran ang responsabilidad. Dapat personal na isagawa ng mga lider at manggagawa ang pagbeberipika, makilahok, at mag-usisa tungkol sa mga bagay na ito, at pangasiwaan pa nga nang personal ang mga ito, para maiwasang abusuhin ng masasamang tao at ng mga taong may mahinang pagkatao ang mga pangangasiwa at magdulot ng kapahamakan. Habang mas masusi mong ginagawa ang gawaing ito, mas kaunti ang pagkakataon ng masasamang tao at hindi mabubuting tao na abusuhin ang mga pangangasiwa; habang mas detalyado ang iyong pag-uusisa at mas mahigpit ang iyong pamamahala, mas mababawasan ang mga pagkakataon ng hindi makatwirang paggastos, pagwawaldas, at pag-aaksaya. Sinasabi ng ilan, “Ang paggawa ba nito ay tungkol sa pagtitipid ng pera para sa sambahayan ng Diyos? Kulang ba sa pondo ang sambahayan ng Diyos? Kung kulang, maghahandog pa ako nang mas marami.” Ganoon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at ito ay prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito. Bilang isang mananampalataya ng Diyos, bilang isang taong tumanggap ng tungkulin bilang katiwala sa sambahayan ng Diyos, ang saloobin mo sa mga handog ay dapat na responsabilidad at pagsasagawa ng mahigpit na pagbeberipika; kung hindi, hindi ka kalipikado na gawin ang gawaing ito. Kung isa kang ordinaryong mananampalataya na walang pagpapahalaga sa responsabilidad at hindi naghangad sa katotohanan, hindi hihingin sa iyo na gawin ang mga bagay na ito. Isa kang lider o manggagawa; kung wala ka ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi ka angkop para dito, at kahit pa maglingkod ka bilang isa, isa kang iresponsableng huwad na lider o huwad na manggagawa, ititiwalag ka, sa malao’t madali. Ang lahat ng ganap na walang pagpapahalaga sa responsabilidad ay mga taong hindi talaga nagtatanggol sa gawain ng sambahayan ng Diyos—lahat sila ay walang kahit katiting na konsensiya at katwiran. Paanong makagaganap ng mga tungkulin ang gayong mga tao? Lahat sila ay walang-isip na basura—dapat lisanin nila kaagad ang sambahayan ng Diyos, at bumalik sa mundong kinabibilangan nila.
Kung hindi tayo nagbahaginan nang ganito sa karaniwang kaalaman tungkol sa mga handog, pati na rin sa mga katotohanang may kinalaman sa pangangalaga sa mga handog at sa mga prinsipyong dapat isagawa ng mga tao, hindi ba’t magiging malabo sa inyo ang mga bagay na ito? (Oo.) Kapag malabo sa mga tao ang tungkol sa mga tumpak na prinsipyo, kaya ba nilang matupad ang ilan sa responsabilidad nila? Natutupad ba nila ang responsabilidad nila? Hindi ba’t karamihan ng tao ay sumusunod lang sa pinakamababaw na teorya at prinsipyo ng: “Anu’t anuman, hindi ko pinag-iimbutan ang mga handog sa Diyos, hindi ko nilulustay o maling inilalaan ang mga ito, at mabuti kong binabantayan ang mga ito at hindi hinahayaan ang mga tao na arbitraryong gastusin ang mga ito—sapat na iyon”? Ito ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Pagtupad ba ito sa responsabilidad ng isang tao? (Hindi.) Kung ang karamihan ng kaalaman ng mga tao ay hindi lalampas sa ganitong pamantayan, ang paksang ito ay kinakailangan talagang pagbahaginan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mas naaarok at nauunawaan mo na ba ang tungkol sa kung paano pangangalagaan ang mga handog at ang saloobin at kaalaman na dapat mayroon ka sa pangangalaga ng mga ito? (Oo.) Tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin sa mga katotohanang may kaugnayan sa mga handog at sa mga prinsipyong kaugnay ng kung paano tratuhin at pamahalaan ang mga handog.
Ang mga Saloobin at Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Kaugnay sa mga Handog
I. Ang Pagtrato sa mga Handog bilang Pampublikong Ari-arian
Sunod, isasagawa natin ang isang simpleng paglalantad at paghihimay sa mga huwad na lider kaugnay sa ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Titingnan natin kung anong mga pagpapamalas mayroon ang mga huwad na lider sa saloobin nila sa mga handog at sa pangangalaga at pamamahala nila sa mga handog. Ang unang pagpapamalas ay na walang tumpak na kaalaman ang mga huwad na lider tungkol sa mga handog. Naniniwala silang, “Opisyal na ibinibigay ang mga handog sa diyos, pero ang totoo, ibinibigay ang mga ito sa iglesia. Hindi natin alam kung nasaan ang diyos, at hindi rin naman niya magagamit ang napakaraming bagay. Ibinibigay ang mga handog na ito sa diyos sa pangalan lang; ang totoo, inihahandog ang mga ito sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos, at hindi tahasang inihahandog ang mga ito sa sinumang tao. Ang iglesia at sambahayan ng Diyos ay mga katawagan para sa lahat ng tao nila, at ang implikasyon nito ay na ang mga handog ay pag-aari ng lahat, at ang pag-aari ng lahat ay isang pampublikong ari-arian. Kaya, ang mga handog ay pampublikong ari-arian na pag-aari ng lahat ng kapatid.” Tumpak ba ang pagkaunawang ito? Hindi ito lubos na malinaw. Wala bang problema sa pagkatao ng mga taong may gayong pagkaunawa? Hindi ba’t mga tao sila na nag-iimbot sa mga handog? Ang mga taong may mapag-imbot na puso at pagnanais na kamkamin ang mga handog ay gumagamit ng pamamaraan na ito at pananaw na ito pagdating sa mga handog. Malinaw na pinag-iinteresan nila ang mga handog at gusto nilang angkinin ang mga ito para sa sarili nilang kasiyahan. Anong uri ng mga nilalang ang mga ito? Hindi ba’t kauri ang mga ito ni Hudas? Kaya, itinuturing ng ganitong uri ng lider o manggagawa ang mga handog ng Diyos bilang pampublikong ari-arian ng iglesia. Kinikimkim nila ang ganitong uri ng saloobin sa puso—hindi nila seryosong pinangangalagaan ang mga handog, o pinamamahalaan ang mga ito nang makatwiran at responsable, sa halip, ginagamit nila ang mga handog ayon sa kagustuhan nila, nang walang takot, at nang ganap na walang pagpipigil, nang walang mga prinsipyo. Pinahihintulutan nila ang sinuman na gamitin ang mga ito, at ang kaninumang “opisyal na posisyon” ang mas maringal, ang kaninumang katayuan ang mas mataas, ang sinumang tanyag sa mga kapatid, ang nakakakuha ng priyoridad sa pag-angkin at paggamit ng mga ito. Katulad din ito sa mga kumpanya at pabrika sa lipunan, kung saan ang mga sasakyan ng kumpanya at ang magaganda at mga de-kalidad na kagamitan ay para sa paggamit ng mga manedyer, mga direktor ng pabrika, at mga tagapangulo. Naniniwala silang ganito rin dapat sa mga handog sa Diyos, na sinuman ang isang lider o manggagawa ay may priyoridad na magtamasa ng mga de-kalidad na bagay mula sa sambahayan ng Diyos, na magtamasa ng mga handog na ibinigay sa Diyos. Kaya, ang lahat niyong gumagamit ng pagiging isang lider o manggagawa bilang dahilan para bumili ng mga de-kalidad na kompyuter at cellphone, gayundin iyong mga lider at manggagawa na kumukuha ng mga handog para sa sarili nila, ay naniniwalang pampublikong ari-arian ang mga handog, at na ang mga handog ay dapat gamitin at waldasin ayon sa kagustuhan nila. Kapag may ilang kapatid na naghahandog ng alahas na ginto at pilak, mga bag, damit, at sapatos, hindi nila tinutukoy na inihahandog nila ang mga ito sa Diyos, at kaya naniniwala ang ilang huwad na lider, “Dahil hindi nila tinukoy na ang mga bagay na ito ay inihahandog sa Diyos, dapat na para sa paggamit ng iglesia ang mga ito. Ang anumang ibinigay sa iglesia ay pampublikong ari-arian, at dapat na may priyoridad ang mga lider at manggagawa sa pagtatamasa ng mga pampublikong ari-arian.” At kaya, kinukuha nila ang mga ito para sa sarili nila bilang isang bagay na nararapat lang. Ang mga bagay na natira matapos nilang pagpilian ang mga ito ay maaaring gamitin ng sinumang may gusto o kunin ng sinumang may gusto—pinaghahatian ng lahat ang mga ito. Tinatawag ito ng mga lider at manggagawa na pagbabahagi ng yaman; sa pagsunod sa kanila, makakakain at makaiinom nang mabuti ang mga tao, at tunay na masisiyahan. Masaya ang lahat, at sinasabi nilang, “Salamat sa diyos—matatamasa ba natin ang mga bagay na ito kung hindi tayo nanampalataya sa kanya? Ang mga ito ay mga handog, at hindi tayo karapat-dapat na tamasahin ang mga ito!” Sinasabi nilang hindi sila karapat-dapat, pero mahigpit nilang hinahawakan ang mga bagay na iyon at hindi nila bibitiwan. Hindi lang basta kinakamkam ng gayong mga lider at manggagawa ang mga handog at pinaghahatian ang mga ito, at personal na tinatamasa ang mga ito nang hindi kinukuha ang pagsang-ayon ninuman—habang ginagawa nila ito, pareho-pareho nilang binabalewala ang pamamahala, paggastos, at paggamit ng mga handog, ni hindi sila pumipili ng mga angkop na tao para mamahala at mag-ingat ng mga tala ng mga ito, at lalong hindi nila tinitingnan ang mga kuwenta o masusing sinisiyasat ang kalagayan ng mga gastos. Ang pagwawalang-bahala ng mga huwad na lider sa pamamahala ng mga handog ay humahantong sa kaguluhan, at nawawala at nawawaldas ang ilang handog. Ang pinakakapansin-pansin sa gawain ng mga huwad na lider ay na ang lahat ay kumikilos nang ayon sa sarili nilang kagustuhan. Kung ano ang sinasabi ng superbisor ng isang grupo, iyon ang nasusunod, at kapag kailangan ng anumang grupo na bumili ng isang bagay, maaari nilang pagpasyahan ito sa sarili nila, nang hindi kinakailangang magsumite ng kahilingan para sa pagsang-ayon. Hangga’t kailangan ang isang bagay para sa gawain, mabibili nila ito, nang hindi inaalala kung magkano ang halaga nito, kung magagamit nila ito, o kung kinakailangan ito o hindi—sa anumang kaso, ginagastos nila ang mga handog, hindi ang pera ng sinuman. Hindi ito pinangangasiwaan ng mga huwad na lider o nagsasagawa ng pagbeberipika, lalong hindi sila nagbabahagi tungkol sa mga prinsipyo. Kapag may biniling isang bagay, pare-parehong binabalewala ng mga huwad na lider kung may sinumang mangangalaga rito, kung maaaring may maging mali rito, o kung sulit ang perang ginastos para dito. Bakit binabalewala nila ang mga bagay na ito? Dahil hindi kanila ang pera—iniisip nilang maaari itong gastusin ninuman, dahil alinman sa dalawa ang mangyari hindi naman nila pera ang ginagastos. May kaguluhan sa bawat aspekto ng pamamahala sa mga handog. Gaano ito kagulo? Katulad ito sa malalaking pabrikang pag-aari ng estado sa mga sosyalistang bansa, kung saan ang lahat ay nakakukuha ng pantay-pantay na bahagi gaano man karami ang trabahong ginagawa nila. Ang lahat ay nag-uuwi ng mga bagay-bagay, kumakain ng pagkain ng pabrika at kumikita ng pera ng pabrika, at naglulustay ng mga gamit ng pabrika. Ganap na kaguluhan ito. Hindi gumagawa ang mga huwad na lider ng mga patakaran para sa paggastos sa pagbili ng mga aparato o kagamitan. Gumagawa ng mga patakaran ang sambahayan ng Diyos, pero hindi nila masusing sinisiyasat, tinitingnan, sinusubaybayan, o iniinspeksyon ang mga gastos. Hindi nila ginagawa ang alinman sa mga gawaing ito. Ang gawain ng mga huwad na lider ay lubos na magulo, walang kaayusan sa anumang bagay, at may mga kapintasan sa lahat ng lugar. Sa bawat pagkakataon, ang masasamang tao at iyong nasa maling lugar ang puso ay pinahihintulutang kasangkapanin ang mga pangangasiwa at manamantala. Ang mga handog para sa Diyos ay walang habas na winawaldas at walang takot na inaaksaya ng mga taong iyon, pero hindi sila pinarurusahan o pinapatawan ng disiplina sa anumang paraan—ni hindi rin sila binibigyan ng babala. Anong uri ng mga lider at manggagawa ang mga ito? Hindi ba’t pinagtataksilan nila ang tumutustos sa kanila? Mga katiwala ba sila ng sambahayan ng Diyos? Sila ay mga magnanakaw na traydor sa sambahayan ng Diyos!
Paano dapat tingnan ang mga lider at manggagawang ito na hindi umaako ng responsabilidad pagdating sa pangangalaga sa mga handog? Hindi ba’t mayroon silang mababang karakter at walang konsensiya at katwiran? Itinuturing ng mga huwad na lider na ito ang mga bagay na inihandog ng mga kapatid sa Diyos at sa iglesia bilang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at sinasabing dapat itong pamahalaan ng mga kapatid bilang isang grupo. At kaya, kapag may natuklasang mga problema, at pinananagot ng Itaas ang mga tao, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ipagtanggol ang sarili nila, at hindi nila kinikilala kung gaano kaseryoso sa kalikasan ang pagnanakaw at pagkamkam nila sa mga handog sa Diyos matapos nilang maging lider at magkamit ng katayuan. Hindi ba’t may mababang karakter ang mga taong ito? Mga wala lang talaga silang hiya! Hindi nila alam kung bakit naghahandog ang mga kapatid ng pera at mga aytem, ni kung kanino nila inihahandog ang mga ito. Kung walang Diyos, sino ang basta-bastang maghahandog ng mga bagay na gusto nila? Napakasimple ng lohikang ito, pero hindi ito nalalalaman o nauunawaan ng mga tinatawag na “lider” na ito. May paboritong parirala ang mga huwad na lider na ito: “ang mga handog ng sambahayan ng Diyos.” Hindi ba’t kailangan ng pagtatama ng ekspresyong ito? Ano dapat ang tamang ekspresyon? “Mga handog” o “mga handog sa Diyos.” Kung magdaragdag ka ng paglalarawan, dapat mong idagdag ang “Diyos”—ang mga handog ay pag-aari lang ng Diyos. Kung hindi ka magdaragdag ng paglalarawan, simpleng “mga handog” lang ito—dapat alam pa rin ng mga tao na ang may-ari ng mga handog ay ang Lumikha, ang Diyos, at hindi tao. Hindi karapat-dapat ang tao na magmay-ari ng mga handog, at kahit ang mga pari ay hindi makapagsasabing sa kanila ang mga handog—maaari nilang tamasahin ang mga handog sa pahintulot ng Diyos, pero hindi nila pag-aari ang mga iyon. Ang paglalarawan para sa “mga handog” ay hindi kailanman magiging sinumang tao—tanging ang Diyos lang ito, at walang iba. Medyo malinaw, kung ganoon, na ang ekspresyong “ang mga handog ng sambahayan ng Diyos” na madalas banggitin ng mga huwad na lider ay mali at dapat itama. Hindi dapat magkaroon ng anumang gayong kasabihan gaya ng “ang mga handog ng sambahayan ng Diyos” o “ang mga handog ng iglesia.” May ilang tao pa ngang nagsasabing, “ang aming mga handog” at “ang mga handog ng aming sambahayan ng Diyos.” Ang lahat ng ekspresyong ito ay mali. Ang mga handog ay ibinibigay sa Diyos ng nilikhang sangkatauhan, niyong mga sumusunod sa Diyos. Ang Diyos lang ang may eksklusibong karapatan na maging may-ari, tagagamit, at tagapagtamasa ng mga ito. Hindi pampublikong ari-arian ang mga handog; hindi pagmamay-ari ng tao ang mga ito, lalong hindi pagmamay-ari ng iglesia o ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, sa halip, pagmamay-ari ng Diyos ang mga ito. Pinahihintulutan ng Diyos ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos na gamitin ang mga ito—atas Niya ito. Samakatwid, ang lahat ng gayong mga ekspresyon tulad ng “ang mga handog ng sambahayan ng Diyos,” “ang mga handog ng iglesia,” at “ang aming mga handog” ay hindi tumpak, at higit pa roon, ekspresyon ang mga ito ng mga taong may masasamang motibo, layon ng mga itong ilihis ang mga tao at gawin silang manhid, at higit pa rito, na iligaw ang mga tao. Ikinakategorya ng mga taong ito ang mga handog bilang pampublikong ari-ariang pagmamay-ari ng iglesia, o ng sambahayan ng Diyos, o ng lahat ng kapatid. Ang lahat ng ito ay problematiko at mali at dapat itama. Pagpapamalas ito ng isang uri ng huwad na lider. Itinuturing ng gayong mga tao na pampublikong ari-arian ang mga handog at ginagamit ang mga ito ayon sa kagustuhan nila; o, pinaniniwalaan nila na bilang mga lider, may karapatan silang ilaan ang mga bagay na ito, at kaya inilalaan nila ang mga ito sa mga taong gusto nila o nang pantay-pantay sa lahat. Anong uri ng senaryo ang sinusubukan nilang likhain? Isang senaryo kung saan pantay-pantay ang lahat, kung saan makapagtatamasa ng biyaya ng Diyos ang lahat, at kung saan nagbabahaginan ang lahat. Gusto nilang bilhin ang pabor ng mga tao sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay gamit ang mga pinagkukunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? Ito ay ubod ng sama at napakawalanghiyang pag-uugali! Paano dapat ilarawan ang gayong mga tao? Pinag-iimbutan ng gayong mga huwad na lider ang mga handog, at para pigilan ang mga tao na pangasiwaan, ilantad, at kilatisin sila, inilalaan nila sa mga kapatid ang mga tirang aytem na hindi nila ginagamit, binibili ang pabor ng mga ito at inaabot ang isang senaryo kung saan ang lahat ay pantay-pantay, at binibigyang-kakayahan ang lahat na makinabang mula sa pakikisalamuha sa kanila, para walang sinumang maglalantad sa kanila. Kung nakatagpo kayo ng ganitong uri ng lider, na makapagpapahintulot sa inyo na makakuha ng kaunting pakinabang at na kung kanino ka makapagtatamasa ng ilang “pampublikong ari-arian,”—kung mayroon kayong ganitong karapatan at tinanggap ang ganitong kalamangan, magiging masaya ba kayo roon? Magagawa ba ninyong tanggihan ito? (Magagawa namin.) Kung mapag-imbot kayo, walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi natatakot sa Diyos, hindi ninyo ito magagawa. Ang sinumang may kaunting integridad, kaunting katwiran, at kaunting may-takot-sa-Diyos na puso ay tatanggihan ito, at kikilos siya para pagsabihan ang lider na iyon, para pungusan ito, para pigilan ito, sinasabing: “Ang unang bagay na dapat mong ginagawa bilang isang lider ay ang pangangasiwa nang mabuti sa mga handog, hindi nilulustay ang mga ito, lalong hindi nagpapasya nang walang awtorisasyon na ilaan ang mga ito sa lahat ayon sa sarili mong kagustuhan. Wala ka ng karapatang iyon; hindi iyon ang atas ng Diyos sa iyo. Ang mga handog ay para sa paggamit ng Diyos, at may mga prinsipyo sa paggamit ng iglesia sa mga ito—walang sinuman ang may huling pasya sa mga ito. Maaaring isa kang lider, pero wala ka ng pribilehiyong iyon. Hindi ito ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Wala kang karapatang gamitin ang mga bagay ng Diyos—hindi ka inatasan ng Diyos para sa gawaing iyon. Kaya, magmadali ka at hubarin ang mga alahas na ginto at pilak na inihandog ng mga kapatid sa Diyos, at hubarin ang mga damit na inihandog nila sa Kanya. Magmadali ka at magbayad ng kompensasyon para sa mga bagay na kinain mo na hindi dapat mo kinain. Kung isa ka pa ring tao at may kaunting kahihiyan, gawin mo ito kaagad. Bukod pa rito, kanino mo man ipinadala ang mga handog na ito para bilhin ang pabor niya, o sinuman ang hinayaan mong kamkamin ang mga ito at tamasahin ang mga ito, bawiin mo kaagad ang mga handog na iyon. Kung hindi mo ito gagawin, ipaaalam namin ito sa lahat ng kapatid at pangangasiwaan ka namin bilang isang Hudas!” Maglalakas-loob ba kayong gawin ito? (Oo.) Ang lahat ay may ganitong responsabilidad pagdating sa mga handog, at dapat nilang ituring ang mga ito nang may ganitong konsensiya at ganitong uri ng saloobin. Siyempre, mayroon din sila ng obligasyong ito na pangasiwaan kung paano tinatrato ng iba ang mga handog, kung pinangangalagaan ba ng mga ito ang mga handog nang maayos, at kung pinamamahalaan ba ng mga ito ang mga handog nang naaayon sa mga prinsipyo. Huwag ninyong isipin na wala itong kinalaman sa inyo, at pagkatapos ay hindi kayo magiging responsable, sinasabing, “Sa anumang kaso, hindi naman ako isang lider o isang manggagawa, hindi ko ito responsabilidad. Kahit matuklasan ko ito, hindi ko ito kailangang pakialaman o magsabi ng anuman tungkol dito—usapin iyon para sa mga lider at manggagawa. Sinumang arbitraryong gumagastos ng pera at naglulustay ng mga handog, siya ay isang Hudas, at parurusahan siya ng Diyos pagdating ng panahon. Sinumang maging sanhi ng isang kahihinatnan, mananagot siya rito. Hindi ko ito kailangang intindihin. Ano ang mabuting maidudulot ng pakikialam ko rito?” Ano ang masasabi ninyo sa ganitong uri ng tao? (Wala siyang konsensiya.) Kung matutuklasan ninyo na, sa ilang lugar na hindi sinisiyasat ng mga lider at manggagawa, may mga taong nagwawaldas at nagkakamkam ng mga handog, dapat mong personal na bigyan ng babala ang mga taong sangkot at agaran itong iulat sa mga lider at manggagawa. Dapat mong sabihin: “Madalas kunin ng pinuno ng aming pangkat at aming lider ang mga handog para sa sarili nila. Arbitraryo rin nilang ginagastos ang mga handog, at hindi sila nakikisali sa mga pakikipagtalakayan sa iba at nagpapasya lang sa sarili nila na bilhin ito at iyon. Karamihan sa mga gastos nila ay hindi alinsunod sa mga prinsipyo. Mapangangasiwaan ba ito ng sambahayan ng Diyos?” Responsabilidad ng hinirang na mga tao ng Diyos na iulat at ipaalam ang mga problemang natutuklasan nila. Ang ating naunang pagbabahaginan ay tungkol sa pagpapamalas ng isang uri ng huwad na lider—ang saloobin niya sa mga handog ay tratuhin ang mga ito bilang pampublikong ari-arian.
II. Hindi Pagmamalasakit o Pagtatanong Tungkol sa mga Paggastos ng mga Handog
Ang isa pang pagpapamalas ng mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga ng mga handog ay na hindi nila alam kung paano pamahalaan ang mga handog. Alam lang nila na hindi dapat galawin ang mga handog, na hindi dapat arbitraryong ilaan o lustayin ang mga ito, na sagrado ang mga ito, ibinubukod bilang banal, at na hindi maaaring magkaroon ang isang tao ng mga hindi nararapat na kaisipan tungkol sa mga ito. Pero pagdating sa kung paano eksaktong pamamahalaan nang maayos ang mga handog, kung paano maging isang mabuting katiwala sa pangangalaga sa mga ito, wala silang landas, wala silang prinsipyo, wala silang mga tiyak na plano o hakbang para sa gawaing ito. Kaya, sa mga bagay tulad ng pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog, pati na rin ang pagtingin sa mga kuwenta ng mga pumapasok at lumalabas na pondo at pagtingin sa mga gastos, napakapasibo ng mga huwad na lider na ito. Kapag may taong nagpapasa ng isang bagay para sa pagsang-ayon, pinipirmahan nila ito. Kapag may nag-aaplay para sa reimbursement, ibinibigay nila ito sa kanya. Kapag may nag-aaplay ng pera para sa ilang layunin, iniaabot nila ito sa kanya. Hindi nila alam kung saan pinangangalagaan ang iba’t ibang makina at kagamitan. Hindi rin nila alam kung angkop ang tagapag-ingat ng mga ito, o kung paano malalaman kung angkop ba siya; hindi nila kayang kilatisin ang puso ng mga tao, at hindi nila kayang kilatisin ang diwa ng mga ito. Kaya, bagaman may mga tala ng lahat ng lumalabas na mga handog sa ilalim ng saklaw ng pamamahala ng mga taong ito, kung titingnan ang mga detalye ng gastos sa mga kuwentang iyon, marami sa mga gastusin ang hindi makatwiran at hindi kinakailangan—marami sa mga iyon ay kalabisan at walang kabuluhan. Nawawala ang mga handog dahil sa lagda ng mga lider at manggagawang ito. Sa panlabas, tila gumagawa sila ng partikular na gawain, pero sa katunayan, wala talagang mga prinsipyo sa ginagawa nila. Hindi sila nagsasagawa ng pagbeberipika—nagpapabasta-basta sila, sumusunod sa mga patakaran at regulasyon, wala nang iba pa. Hindi talaga ito pasok sa mga pamantayan para sa pamamahala ng mga handog, lalo na sa mga prinsipyo nito. Kaya, sa panahon ng paggawa ng mga huwad na lider, napakaraming hindi makatwirang gastos. Kung may tao roon para mangasiwa at mamahala ng mga bagay-bagay, paano nagkakaroon ng ganitong mga hindi makatwirang gastos? Ito ay dahil ang mga lider at manggagawang ito ay hindi umaako ng responsabilidad sa gawain nila. Gumagawa sila ng pabasta-basta at hinaharap ang mga bagay-bagay nang pabaya, at hindi sila kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Hindi nila pinasasama ang loob ng iba, umaasta sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi sila nagsasagawa ng wastong pagbeberipika. Maaaring wala pa ngang isang tunay na responsableng tao sa mga namamahala sa mga handog, walang kahit isa na kaya talagang magsagawa ng pagbeberipika. Walang pakialam ang mga huwad na lider kung angkop ang mga taong nangangalaga sa mga handog, o kung may anumang mga mapanganib na sitwasyon sa iglesia ng mga taong iyon. Para sa kanila, basta’t sila mismo ay ligtas, ayos ang lahat. Kapag may dumarating na panganib, ang unang bagay na iniisip nila ay kung saan sila maaaring tumakas at kung masasamsam ba ang sariling pera nila, samantalang hindi nila inaalam o tinatanong ang tungkol sa kinaroroonan ng mga handog o kung nasa panganib ang mga ito. Ilang buwan o kahit kalahating taon matapos ang insidente, maaaring magtanong sila dahil sa pagkakonsensiya, at kapag nalaman nila na ang ilan sa mga handog ay napasakamay ng malaking pulang dragon, na ang ilan ay winaldas ng masasamang tao, at na ang kinaroroonan ng ilan ay walang nakaaalam, malulungkot sila sandali—mananalangin sila nang kaunti, aaminin ang pagkakamali nila, at doon na iyon magtatapos. Anong uri ng mga nilalang ang mga taong ito? Hindi ba’t may problema sa ganitong paggawa? Paano tatratuhin ng Diyos ang isang taong nagkikimkim ng gayong saloobin sa mga handog? Ituturing ba Niya ito na isang tunay na mananampalataya? (Hindi.) Ano ang ituturing Niya rito, kung ganoon? (Bilang isang walang pananampalataya.) Kapag itinuring ng Diyos ang isang tao bilang walang pananampalataya, nagkakaroon ba ng damdamin ang taong iyon? Nagiging manhid siya at mapurol sa kanyang espiritu, at kapag kumikilos siya, wala siyang kaliwanagan o patnubay ng Diyos, o anumang liwanag. Wala siyang Diyos na nagpoprotekta sa kanya kapag nangyayari sa kanya ang mga bagay-bagay, at madalas siyang negatibo at mahina, namumuhay sa kadiliman. Bagaman madalas siyang nakikinig sa mga sermon, at kayang magdusa at magbayad ng halaga sa gawain niya, sadyang wala siyang anumang progreso, at nagmumukha siyang kahabag-habag. Iyon ang “mga resulta” niya. Hindi ba’t mas mahirap tiisin ito kaysa sa parusa? Sabihin mo sa Akin, kung ganito ang resulta ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos, dahilan ba iyon para sa kagalakan at pagdiriwang, o para sa pagdadalamhati at paghihinagpis? Hindi ito isang magandang senyales, sa Aking opinyon.
Hindi kailanman sineseryoso ng mga huwad na lider ang gawain ng pamamahala sa mga handog. Bagaman sinasabi nilang, “Hindi dapat galawin ng mga tao ang mga handog sa Diyos; ang mga handog sa Diyos ay hindi dapat lustayin ninuman, at hindi dapat mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao,” at mahusay nilang isinisigaw ang mga islogan na ito, at parang napakamoral at napakadisenteng pakinggan ng mga salita nila, pero hindi sila kumikilos na parang mga tao. Bagaman hindi nila nilulustay ang mga handog, at wala silang mga hindi nararapat na kaisipan sa mga ito, o anumang balak na kamkamin ang mga ito, at may ilan pa nga sa kanila na hindi kailanman ginagamit ang pera ng sambahayan ng Diyos o ginagalaw ang mga handog sa Diyos para sa anumang gastusing maaaring mayroon sila, at sa halip ay ginagastos ang sarili nilang pera, bilang mga lider at manggagawa, hindi talaga sila gumagawa ng tunay na gawain pagdating sa pamamahala sa mga handog. Hindi man lang nila ginagawa ang mga simpleng bagay tulad ng pagtatanong tungkol sa kalagayan ng paggastos ng mga handog o pagbeberipika sa mga paggastos ng mga handog. Malinaw na mga huwad na lider ang mga ito. Ang saloobin nila sa mga handog ay ito: “Hindi ko ginagastos ang mga ito at hindi ko nilulustay ang mga ito, at hindi ko rin inaalala kung paano ginagastos ng iba ang mga ito o kung nilulustay ng iba ang mga ito.” Sinasabi Ko sa mga huwad na lider na ito na napakaproblematiko ng maligamgam na saloobin mong ito. Ang hindi paggastos sa mga ito at hindi paglulustay sa mga ito ay ang dapat na gawin ng tao, pero bilang isang lider o manggagawa, ang mas dapat mo pang gawin ay ang mahusay na pamahalaan ang mga handog, pero bigo kang gawin ito. Tinatawag itong pagpapabaya sa responsabilidad. Pagpapamalas ito ng isang huwad na lider. Maaaring hindi ka gumastos ng kahit isang sentimo o naglustay ng kahit isang handog, pero dahil wala kang ginagawang aktuwal na gawain, at wala kang ginagawang anumang partikular na gawain sa pamamahala kaugnay sa mga handog, inilalarawan ka bilang isang huwad na lider, at ang paggawa nang gayon ay may katwiran at makatwiran. May ilang lider na kailanman ay hindi talaga kumukuha o gumagamit ng anumang handog—kahit pa ginagamit ang mga ito ng lahat ng iba pang lider at manggagawa, hindi nila ito ginagagawa—at kapag isinasaayos sila ng sambahayan ng Diyos para magbigay ng isang bagay, tinatanggihan nila ito. Parang medyo malinis sila at walang pag-iimbot, pero kapag isinaayos sila para mamahala sa mga handog, wala talaga silang gagawing anumang partikular na gawain. Sinuman ang gumagastos ng mga handog, pahihintulutan nila ito—ni hindi man lang sila nagtatanong, at wala silang sinasabing anuman tungkol dito. Bagaman hindi nilulustay ng mga taong ito ang kahit isang sentimo ng mga handog, sa saklaw ng pamamahala nila, napapasakamay ng masasamang tao ang mga handog, at dahil sa kawalang responsabilidad nila at pagpapabaya sa responsabilidad, maaaring mawaldas at maaksaya ang mga handog ng kahit sino. Hindi ba’t ang pagwawaldas at pag-aaksaya na ito ay may kaugnayan sa mali nilang pamamahala? Hindi ba’t dulot ito ng pagpapabaya nila sa responsabilidad? (Ganoon nga.) Wala ba silang bahagi sa masasamang gawa ng mga taong ito? Hindi ba’t may responsabilidad sila rito? Malaking responsabilidad ito para pasanin, at hindi nila ito maaaring iwasan! Pinaninindigan lang nila ang sinasabi nila: “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog sa Diyos, at hindi ko ito gusto o pinaplanong gawin ito. Sino pa man ang gumagastos sa mga handog sa Diyos, hindi ko ginagastos ang mga ito; sino pa man ang kumukuha at gumagamit ng mga handog, hindi ko ito ginagawa; sino pa man ang nagtatamasa ng mga ito, hindi ko ito tinatamasa. Ito ang saloobin ko sa mga handog—maaari mong gawin ang anumang gusto mo!” May gayon bang mga tao? (Oo.) Ginagastos ng mga anticristo ang mga handog para sa mga mamahaling damit, luho, at maging sa mga sasakyan. Sabihin mo sa akin, makikilatis ba ng ganitong uri ng huwad na lider ang problemang ito? Hindi nila mismo kinakamkam ang mga handog, mayroon silang ganitong saloobin, kaya’t hindi ba sila naniniwalang masama ang lustayin ang mga ito? (Naniniwala sila.) Kung gayon, kapag gumagawa ng napakalaking kasamaan ang mga anticristo, bakit binabalewala nila ito at hindi ito pinipigilan? Bakit hindi nila ito sineseryoso? (Ayaw nilang magdulot ng sama ng loob.) Hindi ba’t masamang gawa iyon? (Oo.) Hindi ito pagtupad sa responsabilidad na dapat tuparin ng isang katiwala. Kung, sa panahon ng iyong pamamahala, napasakamay ng masasamang tao ang mga handog, kung nawaldas, naaksaya, at nagastos ang mga ito sa hindi makatwirang paraan, kung nawawala ang mga ito nang ganito, pero hindi ka gumagawa ng anumang gawain o nagsasabi man lang ng kahit isang salita, hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Hindi ba’t pagpapamalas iyon ng isang huwad na lider? Kung hindi mo sinasabi ang dapat mong sabihin, hindi ginagawa ang dapat mong gawin, hindi tinutupad ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at bagaman nauunawaan mo ang bawat doktrina, hindi ka lang gumagawa ng aktuwal na gawain, tiyak na isa kang huwad na lider. Naniniwala kang, “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog; kung ginagawa ito ng iba, usapin nila iyon.” Hindi ka ba isang huwad na lider, kung ganoon? Ang hindi paglulustay ng mga handog ay personal mong usapin, pero napangalagaan mo ba nang maayos ang mga handog? Natupad mo ba ang iyong responsabilidad kaugnay sa mga handog? Kung hindi, huwad na lider ka. Huwag kang maghanap ng palusot para sa sarili mo, sinasabi: “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog, kaya hindi ako huwad na lider!” Ang hindi paglulustay ng mga handog ay hindi sapat na batayan para masukat kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan; ang tunay na pamantayan kung pasok siya sa pamantayan ay kung natutupad niya ang responsabilidad niya, isinasagawa ang dapat gawin ng isang tao, at tinutupad ang obligasyong dapat tuparin ng isang tao, sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos—iyon ang pinakamahalaga. Kaya, sa pamamahala ng mga handog, ano ang iyong obligasyon at responsabilidad? Naisagawa mo na ba ang lahat ng ito? Malinaw na hindi mo nagawa. Nagpapabasta-basta ka lang; natatakot na mapasama ang loob ng mga tao, pero hindi ka natatakot na mapasama ang loob ng Diyos. Binabalewala mo ang mga handog dahil natatakot kang mapasama ang loob ng mga tao, na masira ang magandang imahe mo sa paningin nila—kung mayroon kang ganitong pagpapamalas, tiyak na huwad na lider ka. Hindi ito paglalagay sa iyo ng tatak. Nakalatag ang mga katunayan para makita ng lahat: Hindi mo man lang matupad ang iyong tungkulin at responsabilidad—napakamakasarili mo! Pinamamahalaan mo nang mabuti, masinop, at maingat ang mga sarili mong bagay, ang personal mong ari-arian. Hindi mo hinahayaang malantad ang mga gamit na iyon sa mga elemento; hindi mo hinahayaang tangayin ang mga iyon ng iba, at hindi mo hinahayaan ang sinuman na manamantala sa iyo. Pero pagdating sa mga handog, wala ka talagang pagpapahalaga sa responsabilidad—hindi mo man lang isinasagawa ang ikasampung bahagi ng responsabilidad na ginagawa mo pagdating sa pamamahala ng sarili mong mga bagay. Paano ka maituturing na mabuting katiwala? Paano ka maituturing na lider o manggagawa? Malinaw na isa kang huwad na lider. Ito ay pagpapamalas ng isang uri ng huwad na lider.
III. Paghihigpit sa Makatwirang Paggastos
May isa pang uri ng huwad na lider, at talagang kasuklam-suklam din ito. Pagkatapos maging lider ang ganitong mga tao, nakita nilang ang taong nangangalaga sa mga handog ay gumagastos ng pera nang labis at napakamaaksaya, kaya’t tinanggal nila ito. Pagkatapos ay inaasam nilang makahanap ng isang taong kayang magplano nang masusi at magbadyet nang maingat, na talagang mahigpit sa paggastos, at na marunong magpatakbo ng isang tahanan sa paraang matipid. Iniisip nila na iyon ang uri ng tao na magiging isang mabuting katiwala, at lumalabas na sa palagay nila ay walang sinumang angkop, at kaya sa huli ay sila na mismo ang nangangalaga sa mga handog. Kapag sinasabi ng mga kapatid na kailangang maimprenta ang ilang kopya ng mga aklat ng mga salita ng Diyos para sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi ito pinahihintulutang magawa ng mga lider na ito, iniisip na masyadong magastos ang mag-imprenta ng mga aklat; wala silang pakialam kung agaran itong kailangan para sa gawain—para sa kanila, ayos lang basta’t nakatitipid sila ng pera. Sadyang hindi nila alam kung saan gagamitin ang mga handog sa Diyos na pinakanaaayon sa Kanyang mga layunin; ang alam lang nilang gawin ay ang protektahan ang mga handog sa Diyos at huwag talagang hayaang magalaw ang mga ito. Hindi nila ginagastos ang dapat gastusin—talaga namang “mahusay” nilang isinasagawa ang pagbeberipika, tama! Paano uusad ang gawain nang ganito? May prinsipyo ba ang mga lider sa mga pagkilos nila? (Wala.) Hindi nila pinahihintulutang magawa ang gawaing dapat magawa, at hindi pinahihintulutang maimprenta ang mga aklat na kailangang maimprenta, at hindi pinahihintulutang magastos ang perang dapat magastos— hindi nila pinahihintulutan ang anumang makatwirang gastos. Pamamahala ba iyon? (Hindi.) Ano ito? Ito ay kawalan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo. Hindi alam ng mga taong walang pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano pamahalaan ang mga handog kapag gumagawa sila. Naniniwala silang dapat nilang bantayan ang pera at huwag itong hayaang mabawasan kahit isang sentimo, at na, anuman ang gastos, hindi dapat galawin ang pera. Naaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos? (Hindi, hindi ito naaayon.) Ang pagkontrol sa mga bagay-bagay at pagsasagawa ng pagbeberipika nang walang mga prinsipyo ay hindi pamamahala. Ang walang habas na paggastos, pag-aaksaya, at pagwawaldas ay hindi pamamahala, pero ang hindi pagpayag na magastos ang kahit isang sentimo at ang paghihigpit sa makatwirang gastos dahil sa pagbeberipika ay hindi rin pamamahala. Wala alinman sa mga iyon ang naaayon sa mga prinsipyo. Dahil hindi nauunawaan ng ilang tao ang mga prinsipyo para sa paggamit, paglalaan, at pamamahala sa mga handog, nangyayari ang iba’t ibang uri ng kalokohan at iba’t ibang uri ng kaguluhan. Mukhang medyo responsable at dedikado ang mga lider na ito sa panlabas, pero kumusta ang gawaing ginagawa nila? (Wala itong prinsipyo.) At dahil wala itong prinsipyo, nahahadlangan at nalilimitahan ang gawain ng ebanghelyo sa lugar nila, at nalilimitahan din ang ilang propesyonal na gawain dahil sa labis na mahigpit nilang pagbeberipika sa paggamit ng mga handog. Sa panlabas, tila napakaingat at napakaresponsable nila sa pangangalaga sa mga handog. Pero sa katunayan, dahil wala silang espirituwal na pang-unawa, at kumikilos lang batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at isinasagawa pa nga nila ang pagbeberipika para sa sambahayan ng Diyos sa pagkukunwaring pagiging matipid para sa kapakanan ng iglesia, malubha nilang naaapektuhan ang pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia nang hindi man lang nila ito nalalaman. Mailalarawan ba bilang mga huwad na lider ang gayong mga tao? (Oo.) Ito ang nagkakalipika sa kanila bilang mga huwad na lider. Sa isang banda, nakapagdulot na sila ng mga panggugulo at paggambala sa gawain ng ebanghelyo at sa gawain ng iglesia. Ang mga panggugulo at paggambalang ito ay dulot ng kawalan nila ng pagkaunawa sa mga prinsipyo, gayundin ng walang ingat nilang paggawa batay sa sarili nilang mga kagustuhan at kuru-kuro, at ng hindi nila paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, o ng pagtalakay sa mga bagay-bagay o pakikipagtulungan sa iba. Hindi maaaksaya o mawawaldas ang mga handog kapag nasa kanila ang mga ito, pero hindi nila makatwirang magamit ang mga handog ayon sa mga prinsipyo, at hindi pinahihintulutang magamit ang mga ito para lang sa kapakanan ng pangangalaga sa mga ito, at dahil dito, naaantala ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at naaapektuhan ang normal na operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, batay sa pagpapamalas na ito, hindi talaga kalabisan na ilarawan sila bilang mga huwad na lider. Bakit inilalarawan din bilang mga huwad na lider ang gayong mga tao? Hindi nila alam kung paano gumawa ng gawain, at ang pag-arok nila sa kung paano tratuhin ang mga handog at mga paraan ng pagtrato sa mga ito ay lubhang baluktot, kaya magagawa ba nila ang iba pang gawain nang maayos? Tiyak na hindi. Wala bang problema sa pag-arok ng mga taong ito? (Mayroon.) Baluktot ang pag-arok nila, sumusunod sila sa mga regulasyon, nagpapanggap sila, at mapagkunwaring espirituwal sila. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kumikilos ayon sa mga prinsipyo—hindi nila mahanap ang mga prinsipyo para sa pagkilos, at sumusunod lang sila sa sarili nilang makitid na katusuhan at sarili nilang kalooban at sumusunod sa mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung bakit nagreresulta ang gawain nila sa mga panggugulo at paggambala. Hangal at pabara-bara ang paraan nila ng paggawa—kasuklam-suklam ito. Ang gayong mga tao ay malinaw na mga huwad na lider. May sinuman bang nagsasabing, “Pinangangalagaan ko nang napakaayos ang mga handog, ginagawa ang gawaing ito nang napakamaingat, pero inilalarawan pa rin ako bilang isang huwad na lider. Hindi ko na pamamahalaan ang mga ito, kung ganoon! Sinumang gustong gumastos sa mga ito ay maaari; sinumang gustong gumamit sa mga ito ay maaari; sinumang gustong kumuha sa mga ito ay maaari!”? May sinuman ba na may ganoong kaisipan? Ano, kung ganoon, ang pakay natin sa pagsisiwalat sa iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga huwad na lider? (Para maipaarok sa mga tao ang mga prinsipyo at mapaiwas silang tahakin ang landas ng mga huwad na lider.) Tama iyon. Ito ay para maipaarok sa mga tao ang mga prinsipyo, para magawa nila nang maayos ang gawain nila at matupad ang responsabilidad nila nang naaayon sa mga prinsipyo; para hindi sila umasa sa mga imahinasyon at kuru-kuro; para hindi sila magkimkim ng kalooban ng tao o ng pagkamapusok; para hindi nila hayaang palitan ng isang teoryang inisip nila ang mga katotohanang prinsipyo; para hindi sila magkunwaring espirituwal; at para huwag nilang gamitin ang inaakala nilang espirituwalidad bilang huwad o pamalit sa mga prinsipyo. Umiiral ang gayong mga tao sa kalipunan ng mga lider at manggagawa, at sulit na isaalang-alang ang mga ito bilang babala.
IV. Pagkamkam at Pagtatamasa ng mga Handog
May isa pang uri ng huwad na lider, at mas magulo pa ang gawaing ginagawa niya pagdating sa pamamahala ng mga handog. Naniniwala siya na bilang isang lider o manggagawa, hindi niya maaaring palaging bantayan ang mga handog, o maging masyadong maingat pagdating sa mga handog. Iniisip niya na kailangan lang niyang gawin nang maayos ang mga gawaing administratibo ng iglesia, at gampanan nang maayos ang gawain ng buhay-iglesia at ng buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at bukod pa roon, tiyakin na nagagawa nang maayos ang iba’t ibang uri ng propesyonal na gawain. Naniniwala siya na ang mga handog ay pera at aytem na ipinagkakaloob ng Diyos sa iglesia, at na ang perang ito at mga aytem na ito ay naroroon para matugunan ang mga pangangailangan ng mga lider at manggagawa sa kanilang buhay at gawain. Ang implikasyon dito ay na ang mga handog ay inihahanda para sa mga lider at manggagawa, at na kapag ang isang tao ay napili bilang isang lider o manggagawa, pinahihintulutan siya ng Diyos na tamasahin ang mga handog na ito, at na ang mga lider at manggagawa ang may priyoridad sa paglalaan sa mga ito, pagtatamasa ng mga ito, at paggastos ng mga ito—at kaya, kapag ang isang tao ay naging isang lider o manggagawa, nagiging panginoon siya ng mga handog, ang manedyer at may-ari ng mga handog. Kapag ang ganitong uri ng mga tao ay nakahahawak ng mga handog sa kanilang gawain, hindi nila inirerehistro ang mga ito, binibilang ang mga ito, o pinangangalagaan ang mga ito, ni hindi rin nila tinitingnan ang mga kuwenta ng mga pumapasok at lumalabas na handog, lalong hindi nila iniinspeksyon ang kalagayan ng paggastos at paglalaan ng mga ito. Sa halip, inaalam nila at inaarok kung anong mga handog ang naroroon at kung may anumang maaaring tamasahin ng mga lider at manggagawa. Ito ang uri ng saloobin na mayroon ang mga lider at manggagawa sa mga handog. Sa pananaw nila, hindi kailangang irehistro, bilangin, o pangalagaan ang mga handog, o na inspeksyunin ang mga pumapasok at lumalabas o ang kalagayan ng paggastos ng mga ito—walang kinalaman sa kanila ang gayong mga bagay—kailangan lang nilang maglaan ng mga handog sa mga lider at manggagawa, binibigyang-priyoridad ang mga ito pagdating sa pagtamasa ng mga handog. Sa pananaw nila, ang sinasabi ng mga lider at manggagawa ay ang prinsipyo—nasa kanila ang desisyon kung paano gagastusin at ilalaan ang mga handog. Naniniwala sila na ang mapili bilang isang lider o manggagawa ay nangangahulugang naperpekto na ang isang tao, at na, tulad ng isang pari, may pribilehiyo silang tamasahin ang mga handog, pati na rin ang huling desisyon, karapatan sa paggamit, at karapatan sa paglalaan ng mga handog. Sa ilang iglesia, bago pa man mairehistro, mabilang, at mailagay ng mga tamang kawani ang mga bagay na inihandog ng mga kapatid sa imbakan, nasilip, nasuri, at nasala na ang mga ito ng mga lider at manggagawa, itinatago ang alinmang maaari nilang magamit, kinakain ang alinmang maaari nilang kainin, isinusuot ang alinmang maaari nilang isuot, at inilalaan ang alinmang hindi nila direktang kailangan sa sinumang may pangangailangan para dito, sa gayon ay nagpapasya sila kapalit ng Diyos. Ito ang prinsipyo nila. Ano ang nangyayari dito? Iniisip ba talaga nila na mga pari sila? Hindi ba’t sobrang walang katwiran ito? (Oo.) May ibang lider at manggagawa na nakikitang kulang ng dalawang upuan ang isang pamilya, na ang isa pa ay walang kalan, at na may isang taong hindi maayos ang kalusugan at kailangang uminom ng mga suplementong pangkalusugan, at pagkatapos ay ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para bilhin ang lahat ng bagay na ito. Ang paglalaan, pagkonsumo, paggastos, at karapatan sa paggamit ng lahat ng handog ay nasa mga lider at manggagawang ito—may katuturan ba ito? Hindi ba’t ang ganitong pamamaraan ay bunga ng maling pagkaunawa nila? Sa anong batayan na sila ang nagpapasya? May karapatan ba ang mga lider at manggagawa na kontrolin ang mga handog? (Wala.) Ang mga handog ay para pamahalaan nila, hindi para kontrolin at gamitin nila. Wala silang pribilehiyong tamasahin ang mga ito. Ang mga lider at manggagawa ba ay katumbas ng mga pari? Ng mga taong naperpekto na? Sila ba ang mga may-ari ng mga handog? (Hindi.) Kung ganoon bakit napagpapasya silang gamitin ang mga handog para bumili ng mga bagay para sa ganito at ganyang pamilya nang walang awtorisasyon—bakit may ganoon silang karapatan? Sino ang nagbigay ng karapatang iyon sa kanila? Itinatakda ba ng mga pagsasaayos ng gawain na: “Ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa pagkatapos nilang tanggapin ang kanilang posisyon ay ang ganap na kontrolin ang pananalapi ng sambahayan ng Diyos”? (Hindi.) Bakit may mga lider at manggagawa na naniniwala rito, kung ganoon? Ano ang problema roon? Kapag naghahandog ang isang kapatid ng isang mamahaling kasuotan at may isang lider o manggagawa na nagsusuot nito kinabukasan, ano ang nangyayari? Bakit ang mga inihahandog ng mga kapatid ay napupunta sa kamay ng isang indibidwal? Ang ibig sabihin ng “indibidwal” dito ay walang iba kundi ang lider o manggagawa. Hindi lang siya bigo sa pamamahala sa mga handog nang maayos—sa halip, siya pa mismo ang nangunguna sa pagkamkam sa mga ito at personal na pagtamasa sa mga ito. Ano ang problema rito? Kung susuriin natin ang lider o manggagawang ito batay sa hindi niya paggawa ng aktuwal na gawain pagdating sa pamamahala ng mga handog, maituturing siyang isang huwad na lider—pero kung titingnan natin siya sa aspekto ng pagkamkam at personal na pagtamasa sa mga handog, isandaang porsiyento na maaaring ilarawan siya bilang isang anticristo. Kaya, ano, eksakto, ang tamang paraan para tukuyin ang taong iyon? (Bilang isang anticristo.) Pareho siyang isang huwad na lider at isang anticristo. Sa pamamahala sa mga handog, sinusuri ng mga huwad na lider ang lahat ng handog at inaatasan ang mga tao na pamahalaan ang mga ito. Pero bago niya gawin iyon, kinakamkam muna niya ang isang bahagi para sa sarili niya at nagdedesisyon nang walang awtorisasyon para ilaan ang isa pang bahagi. Para sa mga natirang bagay—na ayaw nila, o na hindi nila nakikilala pero ayaw ipamigay—itinatabi muna nila ang mga ito pansamantala. Pagdating sa kinaroroonan ng mga handog na iyon, kung may angkop na tao bang nangangalaga sa mga ito, kung dapat bang regular na inspeksyunin ang mga ito, kung may sinuman bang nagnanakaw sa mga ito, o kung may sinuman bang kumakamkam sa mga ito, pare-parehong hindi iniintindi ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Ang prinsipyo nila ay ito: “Napasakamay ko na ang mga bagay na dapat kong tamasahin at ang mga bagay na kailangan ko. Ang sinumang gustong kumuha sa mga natirang bagay na hindi ko kailangan ay maaaring kunin ang mga ito; ang sinumang gustong mamahala sa mga ito ay maaaring pamahalaan ang mga ito. Pagmamay-ari ang mga ito ng sinumang maunang makakuha sa mga ito—makalalamang ang kanino mang mga kamay na mapupuntahan ng mga ito.” Anong uri ng prinsipyo at lohika ito? Mga diyablo at hayop lang ang gayong mga tao!
Minsan, sinabi ng isang huwad na lider na napakaraming bagay sa imbakan, at tinanong Ko kung nairehistro na ba niya ang mga iyon. Sinabi niya, “Hindi ko nga alam kung ano ang ilan sa mga bagay na iyon, kaya walang paraan para mairehistro ko ang mga iyon.” Sinabi Ko, “Kalokohan iyan. Paanong wala kang paraan para mairehistro ang mga iyon? Dapat may mga tala ng mga ito simula noong unang dinala ang mga ito rito!” “Napakatagal na niyon, wala nang paraan para malaman.” Anong uri ng salita ito? Inaako ba niya ang responsabilidad? (Hindi.) Sinabi Ko, “May ilang damit diyan—tingnan mo kung sino sa mga kapatid ang nangangailangan ng mga ito, at ipamahagi mo ang mga damit sa kanila.” “Hindi na uso ang ilan sa mga iyon. Walang interesado.” Sinabi Ko, “Ipamahagi ang mga kailangan ng mga kapatid, at pangasiwaan ang mga hindi nila kailangan.” Hindi niya ito sinunod. Nagiging matapat at masipag ba siya? Kapag inaatasan siyang gumawa ng isang gawain, palagi siyang nagrereklamo, nagsasabi ng mga negatibong bagay at tinutukoy ang mga paghihirap. Ang hindi niya sinasabi ay na pangangasiwaan niya ang mga bagay na ito nang maayos, ayon sa mga prinsipyo. Wala talaga siyang intensyon na magpasakop. Anuman ang kailanganin sa kanya ng sinuman, palagi siyang nagsasalita tungkol sa mga paghihirap, na para bang mapatatahimik niya ang taong iyon sa pagsasalita nang ganito, mananalo siya at magkakamit ng kalamangan, at pagkatapos ay matatapos na sa gawain niya. Anong uri ng nilalang ang taong ito? Hindi ka ginawang lider o manggagawa para magdulot ng kaguluhan, o para matukoy ang mga paghihirap at isyu—ito ay para malutas mo ang mga problema at mapangasiwaan ang mga paghihirap. Kung talagang may kakayahan ka sa iyong gawain, pagkatapos mong banggitin ang mga isyu at paghihirap, susundan mo ito ng pagsasalita tungkol sa kung paano mo pangangasiwaan at lulutasin ang mga iyon ayon sa mga prinsipyo. Magagawa lang ng mga huwad na lider na sumigaw ng mga islogan, mangaral ng doktrina, magyabang, at magsalita tungkol sa mga obhetibong pangangatwiran at palusot—wala talaga silang tunay na kakayahan sa gawain, at pagdating sa pamamahala sa mga handog, hindi rin nila kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo o gampanan ang responsabilidad nila. Ganito sila kahina ang pag-iisip at kawalang kakayahan, pero pakiramdam pa rin nila na ngayong lider o manggagawa na sila, may mga pribilehiyo at katayuan sila, nagtataglay ng isang natatanging pagkakakilanlan, at ang may-ari at tagagamit ng mga handog. Ang ganitong uri ng huwad na lider ay marunong lang magtamasa ng pribilehiyo ng paggastos ng mga handog—hindi siya makakita o makadiskubre ng anumang kaso ng di-makatwirang, walang habas na paggastos ng mga handog, at maaaring makita pa nga niya ang mga ito pero wala siyang gagawin para pangasiwaan ang mga ito. Bakit ganito? Ito ay dahil alam lang niya na magtamasa ng pakiramdam ng superyoridad na dala ng pagiging lider o manggagawa—wala siyang kahit kaunting pagkaunawa sa mga hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa, o sa mga prinsipyo ng paggawa sa sambahayan ng Diyos. Mga walang silbi lang sila, mga basura lang sila, at may mahinang pag-iisip lang sila. Hindi ba’t nakasusuklam na ang gayong mga taong magulo ang isip ay gusto pa ring magtamasa ng mga benepisyo ng katayuan? Ano ang naunawaan ninyo mula sa pagsisiwalat natin sa ganitong uri ng huwad na lider? Sa sandaling maging lider o manggagawa ang ganitong uri ng tao, gusto niyang bumuo ng mga pakana kaugnay sa mga handog, at nakatuon ang mga mata niya sa mga handog. Sa isang tingin, makikita ng isang tao na matagal na niyang inaasam-asam na gumastos nang pera sa magarbong paraan at na magwaldas ng mga handog. Ngayon, sa wakas, dumating na ang pagkakataon nila; magagawa na niyang arbitraryong gumastos ng pera sa paraang iyon, at gamitin ang mga handog ng Diyos ayon sa kagustuhan niya, tinatamasa ang mga bagay na hindi niya pinaghirapan. Ganap na nalantad ang tunay na kasakiman niya. Nakikita ba ninyo ang gayong mga tao sa kalipunan ng mga lider at manggagawa, noon at ngayon? Palaging mali ang pagkaunawa nila sa mga responsabilidad at depinisyon ng pagiging mga lider at manggagawa, at sa sandaling maging lider o manggagawa sila, umaasta silang panginoon ng sambahayan ng Diyos, inihahanay nila ang sarili nila sa ranggo ng mga pari, at iniisip nila na natatanging tao sila. Hindi ba’t medyo kahinaan ng isip ito? Totoo ba na kapag ba naging lider o manggagawa ang isang tao, hindi na siya isang tiwaling tao? Totoo ba na bigla na lang siyang nagiging isang banal na tao? Kapag naging lider na siya, hindi na niya kilala kung sino siya, at iniisip niya na dapat niyang tamasahin ang mga handog—hindi ba’t mahina ang pag-iisip ng gayong mga tao? Tiyak na mahina ang pag-iisip ng gayong mga tao, at wala silang katwiran ng normal na pagkatao. Kahit pagkatapos naming magbahaginan nang ganito, hindi pa rin nila alam kung ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Tiyak na may gayong mga lider at manggagawa, at ang mga pagpapamalas ng gayong mga tao ay halata at kapansin-pansin.
Ang mga ito ang mga karaniwang pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga sa mga handog. Iyong mga may mas malalalang problema ay hindi nabibilang sa kategorya ng mga huwad na lider—mga anticristo sila. Kaya, kailangan ninyong maarok nang mabuti ang saklaw na ito. Kung huwad na lider ang isang tao, iyon ay kung ano siya—hindi siya maaaring ilarawan bilang isang anticristo. Mas masahol pa ang mga anticristo kaysa sa mga huwad na lider pagdating sa pagkatao, pagkilos, mga pagpapamalas, at diwa. Karamihan sa mga huwad na lider ay may mababang kakayahan, mahina ang isip nila, wala silang kakayahan sa paggawa, baluktot ang pag-arok nila at wala silang espirituwal na pang-unawa, mababa ang karakter nila, makasarili at ubod ng sama sila, at wala sa tamang lugar ang puso nila. Nagiging sanhi ito para hindi sila makagawa at hindi sila gumawa ng tunay na gawain kaugnay sa pangangalaga sa mga handog, at naaapektuhan nito ang makatwirang pamamahala at wastong pangangalaga sa mga handog. Napasasakamay pa nga ng masasamang tao ang bahagi ng mga handog dahil sa kapabayaan ng mga huwad na lider sa kanilang responsabilidad, hindi paggawa ng tunay na gawain, at hindi pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos—madalas ding lumabas ang ganitong uri ng problema. Ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa pangangalaga sa mga handog ay pangunahing nalalantad sa ganitong paraan: Mababa ang karakter nila, makasarili at ubod ng sama sila, baluktot ang pag-arok nila, wala silang kakayahan sa paggawa, mahina ang kakayahan nila, hindi talaga nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at para silang mga taong mangmang at mahina ang isip. Maaaring sabihin ng ilan, “Kinikilala namin ang lahat ng iba pang pagpapamalas na inilantad Mo, pero kung mangmang at mahina ang isip nila, paano sila magiging mga lider?” Kinikilala ba ninyo na may ilang lider at manggagawa na mangmang at mahina ang isip? Umiiral ba ang gayong mga tao? Maaaring sabihin ng ilan, “Masyadong maliit ang tingin Mo sa amin. Mga modernong tao kaming lahat, mga nagtapos sa kolehiyo o hayskul—may napakahusay kaming kakayahan sa pagkilatis kaugnay sa lipunang ito at sa sangkatauhan. Paanong pipiliin namin ang isang taong mahina ang pag-iisip bilang aming lider? Hindi iyon posibleng mangyari!” Anong imposible roon? Karamihan sa inyo ay mahina ang isip, at kulang din sa talino, kaya napakadali para sa inyo na pumili ng isang taong mahina ang isip bilang lider. Bakit sinasabi Kong karamihan sa inyo ay mahina ang isip? Dahil karamihan sa inyo, gaano man karami ang naranasan ninyo, ay hindi makilatis ang diwa ng mga bagay-bagay at hindi maarok ang mga prinsipyo. Maaari kayong magpatuloy sa pagsunod lang sa mga regulasyon sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na ginagamit ang parehong paraan nang walang pagbabago, nananatiling hindi maarok ang mga katotohanang prinsipyo gaano man ibinahagi ang katotohanan sa inyo. Ano ang problema rito? Napababa ng inyong kakayahan. Hindi ninyo makilatis ang diwa o ugat ng mga problema, at hindi ninyo magawang makita ang mga pattern ng pag-unlad ng mga bagay-bagay, lalong hindi ang masunod ang mga prinsipyong dapat taglayin sa paggawa ng mga bagay-bagay—tinatawag ito na pagiging mahina ang isip. Gaano katagal bago ninyo maunawaang lahat ang mga prinsipyo para sa mga bagay na may kinalaman sa inyong mga tungkulin? May ilang tao na ilang taon nang gumagawa ng gawaing batay sa teksto, pero hanggang ngayon, ang mga artikulo at iskrip na isinusulat nila ay pawang mga hungkag na salita pa rin, hindi pa rin nila maarok ang mga prinsipyo, at hindi nila alam kung ano ang realidad o kung paano magsabi ng isang bagay na totoo. Ito ay pagkakaroon ng napakahinang kakayahan at napakababang talino. Sa talinong tinataglay ninyo, hindi ba’t magiging napakadali para sa inyo na pumili ng isang taong may mahinang isip bilang isang lider? At hindi ninyo lang siya pipiliin, kundi itatangi ninyo rin siya sa inyong puso. Kapag tatanggalin na siya, hindi mo iyon gugustuhing mangyari. Makalipas ang dalawang taon, kapag nakilatis mo na siya at nagkamit ka ng pang-unawa, saka mo magagawang makilatis siya bilang isang huwad na lider, pero noon, anuman ang sinabi sa iyo, hindi mo siya pahihintulutang matanggal. Hindi ba’t mas mahina pa ang pag-iisip mo kaysa sa kanya? Bakit sinasabi Kong may ilang lider at manggagawa na kulang sa talino? Ito ay dahil alam lang nila kung paano gumawa ng pinakasimpleng gawain. Pagdating sa medyo mas komplikadong gawain, hindi nila alam kung paano ito gawin, kapag may naharap silang kaunting paghihirap, hindi nila alam kung paano ito pangasiwaan; at kapag binigyan sila ng karagdagang gawain, hindi nila alam kung ano ang gagawin nila sa sarili nila. Hindi ba’t problema ito sa kanilang talino? Hindi ba’t pinili ninyo ang ganitong mga lider? At nagpapatirapa kayo sa paghanga sa kanila: “Nananampalataya sila sa Diyos nang hindi naghahanap ng romantikong kapareha, at gumugol sila para sa Diyos nang mahigit dalawampung taon. May kagustuhan silang magdusa, tama, at seryoso talaga sila sa gawain nila.” “Pero nauunawaan ba nila ang mga prinsipyo sa kanilang gawain?” “Kung hindi, sino ang nakauunawa?” At lumalabas na lubos na magulo ang gawain nila nang ininspeksiyon ito—hindi nila naisakatuparan ang alinman sa gawain. Sinabi sa kanila ang mga prinsipyo para sa gawain nila, pero hindi nila alam kung paano ito gawin. Paulit-ulit lang silang nagtatanong, at hindi nila alam ang gagawin nila maliban kung tuwiran itong sabihin sa kanila. Ang pagsasabi sa kanila ng mga prinsipyo ay katulad lang sa hindi pagsasabi sa kanila ng anuman; kahit pa isa-isang itala ang mga prinsipyo, hindi pa rin nila malalaman kung paano ipatupad ang gawain. May mga ganitong lider ba? Gaano man sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila nauunawaan ang mga ito, at hindi nila naisasakatuparan ang gawain. Makipagbahaginan ka sa kanila o turuan mo sila tungkol sa parehong mga salita o bagay nang ilang ulit, at hindi pa rin nila ito mauunawaan, at lubos na hindi malulutas ang problema pagkatapos—magtatanong pa rin sila kung ano ang gagawin, at hindi maaari na may makaligtaan na kahit isang linya. Hindi ba’t mahina ang isip nila? Hindi ba’t pinili ninyo ang mga lider na ito na may mahinang pag-iisip? (Ganoon nga.) Hindi ninyo maitatanggi iyon, hindi ba? Talagang may gayong mga lider.
Ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider na pinagbabahaginan natin ngayon ay pangunahing may kaugnayan sa gawain ng pamamahala sa mga handog. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, dapat malaman ng mga tao na ang pamamahala ng mga handog ay isang mahalagang gawain ng mga lider at manggagawa, at na hindi nila ito dapat kaligtaan. Bagaman iba ang bahaging ito ng gawain sa pangkalahatang pangangasiwa kumpara sa iba pang gawain, nauugnay ito sa normal na pagpapatakbo ng iba pang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang pamamahala ng mga handog ay isang napakahalaga at kritikal na gawain. Gaano ito kahalaga? Ang mga bagay na pinangangalagaan sa gawain ng pamamahala sa mga handog ay pag-aari ng Diyos—kung ilalarawan ito sa medyo hindi angkop na paraan, ang mga bagay na iyon ay personal na ari-arian ng Diyos, kaya dapat higit na maging buong-puso, maingat, at masigasig ang mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Kung titingnan natin ang gawaing ito pagdating sa kalikasan nito, sa palagay Ko ay hindi kalabisang itala ito sa ilalim ng gawaing administratibo. Ang dahilan kung bakit natin ito itinatala sa ilalim ng kategorya ng gawaing administratibo ay may kaugnayan sa saloobin ng mga tao sa Diyos at sa mga ari-arian Niya. Kaya, kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng tamang saloobin at na maarok ang mga tamang prinsipyo sa paggawa ng gawaing ito. Ang dahilan sa paglalagay natin nito sa kategorya ng gawaing administratibo ay para maipaunawa sa mga lider at manggagawa na napakahalagang gawin ang gawaing ito, at na ito ay isang napakabigat na atas at isang napakabigat na pasanin. Ito ay para maipaunawa sa kanila na hindi nila ito dapat harapin na parang isa itong regular na gawain sa pangkalahatang pangangasiwa—na dapat na mayroon silang tumpak at malalim na kaalaman tungkol sa kahalagahan ng gawaing ito, at pagkatapos ay maging buong-puso, maingat, at masigasig kaugnay rito. Maaaring maging pabaya ang mga tao sa ibang mga tao—kahit may mangyaring mga pagkakamali, hindi ito isang malaking problema. Pero hinihimok Ko ang lahat na huwag maging magulo ang isip, huwag maging pabasta-basta, at huwag puro salita lang pagdating sa kung paano nila hinaharap ang Diyos. Ang maayos na paggawa sa gawain ng pamamahala sa mga handog ay isang mahalagang atas ng Diyos para sa mga lider at manggagawa.
Mayo 8, 2021