Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 1
Maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, at bagama’t nauunawaan ninyo ang ilang katotohanan, sa loob ng puso ng bawat isa sa inyo ay may mga sarili kayong interpretasyon, pananalig, at imahinasyon—at pawang lumalabag at sumasalungat ang lahat ng mga ito sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ano ang mga bagay na ito? Ang mga bagay na ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Bagama’t wala talagang katotohanan ang tao, may kakayahan ang kanilang mga isip na lumikha ng maraming kuru-kuro at imahinasyon, na pawang hindi naaayon sa katotohanan. May kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang lahat ng bagay na salungat sa katotohanan. Kaya paano nagsisimulang magkaroon ng mga kuru-kuro ng tao? Marami itong iba’t ibang sanhi. Sa isang bahagi, ito ay dahil sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura, pati na sa pagpapalaganap at pagtatanim ng kaalaman, sa epekto ng mga kalakaran sa lipunan at sa mga itinuturo sa pamilya, at iba pa. Sa Tsina—isang bansang pinaghaharian ng ateismo sa loob ng libu-libong taon—anong pagkaunawa at pagkakilala mayroon ang mga tao ukol sa Diyos? Bagama’t hindi nakikita at hindi nahahawakan ang Diyos, Siya ay umiiral talaga, kaya Niyang lumipad sa himpapawid kahit saan, dumarating at umaalis nang walang bakas, biglang nagpapakita at naglalaho, kayang tumagos sa mga pader, hindi nahahadlangan ng anumang materyal o espasyo, at mayroon Siyang matitinding abilidad, lubos na makapangyarihan sa lahat—ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos. Kaya, paano nagsimulang magkaroon ng mga imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao? Malaki ang kaugnayan ng mga ito sa edukasyon at sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura. Libu-libong taon nang itinuturo sa Tsina ang ateismo at noon pa man ay naitanim na ang mga ateistikong binhi nito sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sa panahong ito, maraming ginawang mga tanda at kababalaghan si Satanas at ang iba’t ibang uri ng masamang espiritu sa mga tao para linlangin at lihisin ang mga ito. Lumaganap nang husto ang mga bagay na ito sa mga tao, at malubha ang epekto ng mga ito. Kumikilos nang walang pakundangan ang masasamang espiritung ito para lihisin, lokohin at pinsalain ang mga tao, kaya nagkaroon ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ang mga tao. Sa katapusan, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay pawang nanggaling lahat sa buktot na pagkokondisyon ng lipunan at pagdodoktrina ni Satanas. Mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, tinanggap ng sali’t salinlahi ng mga tao ang pagtuturo ni Satanas at tinanggap nila ang pagpapalaganap at pagdodoktrina ng tradisyunal na kultura at kaalaman, kaya’t nagbunga ito ng iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon. Kahit na hindi tuwirang naapektuhan ng mga bagay na ito ang gawain, pag-aaral, at normal na buhay ng mga tao, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ang naging napakalaking hadlang sa pagtanggap at pagpapasakop ng mga tao sa gawain ng Diyos. Kahit tinanggap na ng mga tao ang gawain ng Diyos, isang malaking hadlang pa rin ang mga bagay na ito sa pagkilala at pagpapasakop nila sa Diyos, dahilan para magkaroon sila ng napakaliit na pananampalataya, madalas silang maging negatibo at mahina, at nahihirapan sila nang husto na magpakatatag sa gitna ng mga pagsubok, kahit pagkatapos ng maraming taon ng pananalig sa Diyos. Ito ang mga ibinubunga ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro at imahinasyon.
Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugan ng paggawa ng mabubuting bagay at pagiging isang mabuting tao. Halimbawa, naniniwala sila na ang isang tao ay nananalig lang sa Diyos kung nagbibigay siya ng limos sa mahihirap. Kung gumagawa ng maraming mabuting bagay ang isang tao at pinupuri siya ng iba, nagpapasalamat siya sa Diyos mula sa kanyang puso at sinasabi niya sa mga tao, “Huwag mo akong pasalamatan. Dapat mong pasalamatan ang Diyos na nasa langit, dahil Siya ang nagturo sa akin na gawin ito.” Matapos mapuri ng mga tao, labis siyang nalulugod at napapanatag, at naniniwala siyang mainam ang sumampalataya sa Diyos, na siya ay pinagtitibay ng mga tao at tiyak na pagtitibayin din siya ng Diyos. Saan nanggagaling ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag? (Sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Totoo ba o hindi ang pakiramdam niyang ito ng pagkapanatag? (Hindi ito totoo.) Pero para sa kanya ay totoo ito, at pakiramdam niya ay napakatibay, praktikal, at totoo niya, dahil ang hinangad niya ay ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag. Paano nangyari ang pakiramdam na ito ng pagkapanatag? Ang maling impresyong ito ay nangyari dahil sa kanyang mga kuru-kuro, at ang mga kuru-kuro niya ang nagdulot na isipin niyang ganito dapat ang pananalig sa Diyos, na dapat siyang maging ganitong uri ng tao, na dapat siyang kumilos sa ganitong paraan, na siguradong malulugod sa kanya ang Diyos dahil ginawa niya ang mga bagay na ito, at na siguradong makakamtan niya ang kaligtasan at makakapasok siya sa kaharian ng langit sa huli. Saan nanggagaling ang “kasiguraduhang” ito? (Mula sa mga kuru-kuro ng mga tao.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon nilang ito ang nagbibigay sa kanila ng kasiguraduhan at ng maling impresyong ito, at ang nagbibigay sa kanila ng komportableng pakiramdam. At paano ba aktuwal na sinusukat at tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Isa lamang itong uri ng mabuting pag-uugali, ginawa alinsunod sa mga kuru-kuro ng mga tao at sa kabutihang-loob ng mga tao. Isang araw, may magagawa ang taong ito na labag sa mga prinsipyo at siya ay pupungusan, at pagkatapos ay matutuklasan niyang hindi pala tulad ng iniisip niya ang batayan ng Diyos sa pagsukat sa mabubuting tao at na walang gayong sinasabi ang mga salita ng Diyos, kaya makararamdam siya ng pagtutol at iisiping, “Hindi ba ako isang mabuting tao? Naging mabuting tao ako nang maraming taon at walang sinumang nagsabi na hindi ako isang mabuting tao. Ang Diyos lamang ang nagsasabing hindi ako mabuting tao!” Hindi ba’t may problema rito? Paano nangyari ang problemang ito? Nangyari ito dahil sa kanilang mga kuru-kuro. Ano ang pangunahing salarin dito? (Ang mga kuru-kuro.) Ang pangunahing salarin ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, madalas silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at madalas silang lumilikha ng iba’t ibang uri ng kahilingan at paghusga tungkol sa Diyos at nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng batayan para sukatin ang Diyos; dahil sa mga ito, madalas na gumagamit ang mga tao ng partikular na mga maling kaisipan at pananaw para sukatin kung tama o mali ang mga bagay-bagay, kung mabuti o masama ang isang tao, at para sukatin kung tapat sa Diyos at may pananampalataya sa Diyos ang isang tao. Ano ang ugat ng mga pagkakamaling ito? Ang ugat nito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Maaaring walang epekto ang mga kuru-kuro ng tao sa kung ano ang kinakain nila o kung paano sila natutulog, at maaaring hindi makaapekto ang mga ito sa normal nilang pamumuhay, ngunit umiiral ang mga ito sa isip ng mga tao at sa kanilang mga saloobin, nakakapit ang mga ito sa mga tao tulad ng isang anino, sumusunod sa kanila sa lahat oras. Kung hindi mo agad na malulutas ang mga ito, palaging kokontrolin ng mga ito ang iyong pag-iisip, paghusga, pag-uugali, kaalaman sa Diyos, at ang relasyon mo sa Diyos. Malinaw mo na ba itong nakikita ngayon? Ang mga kuru-kuro ay isang pangunahing problema. Ang mga taong mayroong kuru-kuro tungkol sa Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng isang pader na nakatayo sa pagitan nila at ng Diyos, isang hadlang para makita nila ang totoong mukha ng Diyos, na pumipigil sa kanila na makita ang totoong disposisyon at tunay na diwa ng Diyos. Bakit ganito? Dahil namumuhay ang mga tao na kasama ang kanilang mga kuru-kuro, at kasama ang kanilang mga imahinasyon, at ginagamit nila ang kanilang mga kuru-kuro upang matukoy kung ang Diyos ay tama o mali, at upang sukatin, husgahan, at kondenahin ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Anong uri ng kalagayan ang madalas na pagsasadlakan ng mga tao dahil sa paggawa nito? Maaari ba talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos kapag nabubuhay silang kasama ang kanilang mga kuru-kuro? Maaari ba silang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos? (Hindi maaari.) Kahit na nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, ginagawa nila ito nang ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag umaasa ang isang tao sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nabahiran na ito ng mga personal na bagay na kay Satanas at sa mundo, at ito ay salungat sa katotohanan. Ang problema tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay seryoso; isa itong pangunahing isyu sa pagitan ng tao at ng Diyos na kailangang malutas kaagad. Lahat ng pumupunta sa harapan ng Diyos ay nagdadala ng mga kuru-kuro, nagdadala sila ng lahat ng uri ng mga hinala tungkol sa Diyos. O, masasabi ring nagdadala sila ng napakaraming maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa kabila ng lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, sa kabila ng Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. At ano ang mangyayari sa kanilang relasyon sa Diyos? Patuloy na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, patuloy silang naghihinala sa Diyos, at patuloy nilang ginagamit ang sarili nilang mga pamantayan upang masukat kung ang Diyos ay tama o mali, upang masukat ang bawat salita at gawain Niya sa bawat pagkakataon. Anong uri ng pag-uugali ito? (Ito ay paghihimagsik at pagsuway.) Tama iyan, ito ay paghihimagsik, pagsuway, at pagkondena ng mga tao sa Diyos, at panghuhusga ito ng mga tao sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pakikipagkumpitensya sa Kanya, at sa malalalang kaso, gusto ng mga taong isakdal ang Diyos sa korte at makipagduwelo sa Kanya. Ano ang pinakamalalang antas na kayang abutin ng mga kuru-kuro ng mga tao? Ito ay ang itatwa ang tunay na Diyos Mismo, itinatatwa na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, at kinokondena ang gawain ng Diyos. Kapag umabot sa ganitong antas ang mga kuru-kuro ng mga tao, likas nilang itinatatwa ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos at pinagtataksilan ang Diyos. Bukod sa itinatanggi nilang may Diyos, tumatanggi rin silang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos—hindi ba’t nakapangingilabot ito? (Oo.) Nakapangingilabot na problema ito. Masasabing ganap na nakakapinsala ang mga kuru-kuro sa mga tao, at hindi ito kapaki-pakinabang. Kaya nagbabahaginan tayo at sinusuri nating mabuti ngayon kung ano ba ang mga kuru-kuro at kung anong mga kuru-kuro ang kinikimkim ng mga tao—lubhang kailangan ito. Anong mga kuro-kuro ang karaniwang lalabas sa inyo? Alin sa mga kaisipan, pagkaunawa, paghusga, at pananaw ninyo ang may kinalaman sa inyong mga kuru-kuro? Hindi ba nararapat itong isaalang-alang? Walang kinalaman ang ugali ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, pero tuwirang may kaugnayan sa kanilang mga kuru-kuro ang mga kaisipan at pananaw na nasa likod ng pag-uugaling iyon. Hindi labas sa saklaw ng gawain ng Diyos ang mga kuru-kuro ng mga tao. Una: Ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos. Ibig sabihin, may iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan ang mga tao ukol sa pananalig sa Diyos, kung ano ang dapat nilang matamo mula sa kanilang pananalig sa Diyos, at kung anong landas ang dapat nilang lakaran sa kanilang pananalig sa Diyos, kaya nagkakaroon sila ng iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro. Pangalawa: Ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Lalong mas maraming imahinasyon at pakahulugan ang mga tao ukol sa pagkakatawang-tao, kaya naman likas na nagkakaroon sila ng maraming kuru-kuro—magkakaugnay ang mga ito. Pangatlo: Ang mga kuru-kuro ng mga tao patungkol sa gawain ng Diyos. May iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan ang mga tao tungkol sa katotohanang ipinapahayag ng Diyos, sa disposisyong inihahayag ng Diyos, at sa paraan ng paggawa ng Diyos, kaya nagkakaroon sila ng maraming kuru-kuro. Mahahati natin ang tatlong puntong ito nang mas detalyado pa, gayunpaman, nasasaklaw na ng tatlong puntong ito ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao, kaya isa-isahin natin ang mga ito sa ating pagbabahaginan.
Ngayon ay pag-usapan naman natin ang tungkol sa unang punto, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos. Medyo malawak ang saklaw ng ganitong uri ng mga kuru-kuro. Baguhan man o datihan na ang mga tao sa pananampalataya sa Diyos, marami silang kuru-kuro at imahinasyon noong una silang magsimulang manampalataya sa Diyos. Kapag nagsisimula pa lang silang magbasa ng Bibliya, nakakaramdam ang mga tao ng bugso sa kanilang puso, at iniisip nila, “Magiging mabuting tao ako; mapupunta ako sa langit.” Pagkatapos, nagkakaroon sila ng iba’t ibang imahinasyon at pakahulugan o di-nababagong ideya tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at siguradong magkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro. Halimbawa, maraming naiisip ang mga tao tungkol sa kung anong uri ng tao sila dapat maging matapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos. May nagsasabing, “Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, hindi na ako maninigarilyo, iinom ng alak, o magsusugal. Hindi na ako pupunta sa masasamang lugar na iyon. Magiging magalang na ako sa mga tao at magiging palangiti ako.” Ano ito? Kuru-kuro ba ito, o ganito ba dapat umasal ang mga tao? (Ganito dapat umasal ang mga tao.) Pagpapahayag ito ng normal na pagkatao, at ganito dapat kumilos ang mga tao. Hindi ito isang kuru-kuro, ni isang imahinasyon—ang ganitong pag-iisip ay ganap na rasyonal at makatwiran. Sinasabi ng ilang matandang brother na, “Matanda na ako at maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos. Dapat akong maging huwaran sa mga kabataan sa aking pagsasalita at paggawa ng mga bagay-bagay. Hindi ako dapat humahagikgik o kumikilos nang hindi angkop sa edad ko. Dapat akong magmukhang kagalang-galang, may-pinag-aralan at maginoo.” Kaya, kapag kinakausap niya ang mga kabataan, seryoso ang kanyang mukha at nag-uumapaw siya sa mga salita at pariralang pampanitikan, at kapag nakikita siya ng mga kabataan ay naaasiwa ang mga ito at ayaw siyang lapitan ng mga ito. Sumasayaw at nagpupuri sa Diyos ang mga kapatid sa mga pagtitipon, at naniniwala ang matandang kapatid na dapat niyang kontrolin ang pagnanasa sa kanyang mga mata at tumitingin na lamang siya sa mga bagay na naaangkop, kaya pinipigilan niya ang kanyang sarili na manood pero bumubulong pa rin siya sa kanyang puso, “Malayang-malaya kung mamuhay ang mga kabataang ito; pero bakit ako namumuhay na pakiramdam ko ay labis akong naaagrabyado? Pero, kinakailangan pa rin namang makaramdam ng kaunting pagkaagrabyado kapag nanampalataya ang isang tao sa Diyos, dahil sino ba ang nagpatanda sa akin nang husto!” Sinasabi niyang hindi niya dapat panoorin ang mga sumasayaw, pero pasulyap-sulyap pa rin siya, malinaw na nagpapanggap lang. Paano nagsisimula ang pagpapanggap na ito? Paano siya nalagay sa kalagayang ito ng pagkahiya? Ito ay dahil mayroon siyang imahinasyon tungkol sa pag-uugali at mga pagpapahayag na dapat mayroon siya sa kanyang pananampalataya sa Diyos at, dahil napapangibabawan siya ng imahinasyong ito, nagiging palihim at pakunwari ang kanyang pananalita at mga kilos. Halimbawa, kapag umaawit sila sa mga pagtitipon, pumapalakpak ang ilang tao habang sila ay umaawit, inilalabas ang kanilang emosyon, pero ang matandang brother na ito ay kasingmanhid at kasinghangal ng isang patay, walang kabuhay-buhay o wangis ng tao. Naniniwala siyang dahil matanda na siya, kailangan niyang magmukhang matanda at hindi kumilos na parang isang bata, walang muwang at pinagtatawanan ng mga tao. Sa madaling salita, lahat ng ipinapahayag niya ay pagpapanggap lamang at pinipilit lang niya ang kanyang sarili na magpanggap na isang importanteng tao. Tumitibay ba ang ibang tao kapag nasasaksihan nila ang gayong mapagkunwaring pag-uugali? (Hindi.) Ano ang nararamdam mo kapag nakakakita ka ng ganito? Una, nararamdaman mong paimbabaw siya at naaasiwa ka dahil dito; pangalawa, nararamdaman mong huwad siya, nasusuka at nasusuklam ka rin, at kapag nakikipag-usap ka sa kanya, pakiramdam mo ay nasasakal at napipigilan ka, hindi ka makapagsalita nang malaya. Kung hindi ka maingat, mapagsasabihan ka pa niya, sinasabing, “Tingnan nga ninyo kung ano ang nangyari sa inyong mga kabataan, lubha kayong naging tiwali! Kumakain kayo nang maayos at nagsusuot ng magagandang damit, ang kinakain ninyo ay tulad ng kinakain namin dati tuwing Bagong Taon at iba pang kapistahan, ngunit mapili pa rin kayo at walang kasiyahan. Noong maliliit pa kami, ipa at mga ligaw na halaman lamang ang kinakain namin.” Ipinagyayabang niya ang kanyang pagiging mas matanda at sinesermunan ang iba, at iniiwasan siya ng mga kabataan. Hindi niya ito nauunawaan at pinupuna pa nga niya ang mga kabataan dahil sa kawalan ng mga ito ng respeto sa mga nakatatanda at sa masamang asal ng mga ito. Hindi ba’t ang mga bagay na ito na kanyang sinasabi ay punong-puno ng mga kuru-kuro at kalooban ng tao, hindi naaayon sa katotohanan at hindi nakapagpapatibay sa iba? Ngunit maliliit na isyu lamang ang lahat ng ito. Ang pinakasusi ay ito: Mauunawaan ba niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito? (Hindi.) Makakatulong at kapaki-pakinabang ba ito sa pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagkilos sa ganitong paraan, pamumuhay nang ganito araw-araw, matutulutan ba siya nito na makapamuhay sa harap ng Diyos? Napagbulay-bulayan man lang ba niya, “Nakaayon ba sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos ang pagkaunawa ko sa pananampalataya sa Diyos? Ano ba ang hinihingi ng Diyos? Anong uri ng tao ang minamahal ng Diyos? May anumang pagkakaiba ba ang aking pagkaunawa sa kung ano ang hinihingi ng Diyos?” Siguradong hindi pa niya kailanman naisip ang mga katanungang ito. Dahil kung naisip na niya ang mga ito, kahit hindi pa niya nalaman ang mga sagot, hindi sana siya kikilos nang ganoon kahangal. Ano, kung gayon, ang ugat ng pagkilos niya sa ganitong paraan? (Ang mga kuru-kuro.) At ano ang ugat ng pagkakaroon niya ng mga kuru-kuro? Ito ay dahil may nakalilinlang na pagkaunawa siya sa kung paano dapat kumilos at magpahayag ng kanilang sarili ang mga taong sumasampalataya sa Diyos. At paano lumitaw ang nakalilinlang pangkaunawang ito? Ano ang pinagmulan nito? Dahil ito sa pagkokondisyon ng tradisyunal na kultura at ng mga itinuturo ng mga guro sa paaralan. Halimbawa, dapat igalang ng mga kabataan ang matatanda at mahalin ang mga bata, samantalang ang mga nakatatanda ay dapat kumilos nang angkop sa kanilang edad, at iba pa. Kaya nagkaroon tuloy siya ng iba’t ibang kakatwang pag-uugali, minsan ay kumikilos nang kakatwa at minsan ay may kakatwang ekspresyon, pero anu’t anuman, hindi talaga siya normal tingnan. Kumikilos man siya nang kakatwa o kakatwa man ang kanyang ekspresyon, hangga’t hindi niya nauunawaan ang katotohanan o ang mga hinihingi ng Diyos, at hindi niya hinahanap ang katotohanan, siguradong malalayo sa katotohanan ang kanyang magiging pagkilos. Sa gayon kasimpleng bagay—ilang panlabas na pag-uugali lamang—ito ay dahil may mga kuru-kuro ang mga tao na nag-ugat sa loob ng kanilang puso kaya nila ginagawa ang mga kakatwang bagay na ito. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila mauunawaan kung ano ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kapag hindi nauunawaan ng matatanda ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao, kakatwa ang kanilang nagiging mga asal at ekspresyon, at katawa-tawa ang kanilang ikinikilos; kapag hindi naman nauunawaan ng mga kabataan ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay nakabatay sa kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro, magiging mali rin ang kanilang mga ekspresyon at asal. Anong mga maling asal at ekspresyon ang ginagawa nila? Halimbawa, nakikita ng ilang kabataan sa mga salita ng Diyos na hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao nang dalisay at tapat, inosente at masigla, gaya ng mga bata, at iniisip nila, “Palagi kaming magiging sanggol sa harap ng Diyos at hindi na kami tatanda, kaya kailangan naming maglakad at magsalita na parang mga bata. Alam ko na ngayon kung paano magiging isa sa mga hinirang ng Diyos at tagasunod ng Diyos, at nauunawaan ko na ngayon kung paano maging bata. Dati akong mapanlinlang, mukhang napakasopistikado, manhid at mahina ang ulo, pero sa hinaharap, kailangan kong kumilos nang mas inosente at mas masigla.” Pagkatapos nito, inoobserbahan nila kung paano kumikilos ang mga kabataan sa lipunan sa panahon ngayon at, sa sandaling mapagpasyahan na nila kung paano kikilos, sinisimulan na nila itong isagawa sa harap ng mga kapatid, nakikipag-usap sa lahat nang may pangbatang boses, iniipit ang kanilang mga lalamunan kapag sila ay nagsasalita at nagsasalita nang malambing, na parang bata. Sa isip nila, iniisip nilang ang ganitong uri lang ng tinig ang tinig ng isang bata, habang kumikilos din sila nang kakatwa na lubhang ikinaaasiwa at ikinababalisa ng mga tao. Hindi nila naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa pagiging dalisay at tapat, inosente at masigla gaya ng isang bata, at lahat ng ginagawa nila ay pawang panlabas na pag-uugali—pagpapanggap, panggagaya, at pagkukunwari. Ang pagkaarok ng ganitong mga tao ay baluktot. Ano ang pinakamalaking isyu rito? Maliban sa wala silang kakayahang dalisay na arukin ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, inihahalo rin nila ang mga salita ng Diyos sa mga ugali, kilos, at kalakaran ng mga walang pananampalataya. Hindi ba’t isa itong pagkakamali? Hindi sila humaharap sa Diyos para maghanap, hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan; sa halip, sinusuri at pinag-aaralan nila ang mga bagay-bagay gamit ang sarili nilang mga utak, o kaya ay naghahanap sila ng teoretikal na batayan mula sa mga walang pananampalataya, sa tradisyunal na kultura, o sa siyentipikong kaalaman. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamali? (Oo, pagkakamali ito.) Ito ang pinakamalaking pagkakamali. May anumang katotohanan ba sa kaalaman ng mga walang pananampalataya? Kung naghahanap ka ng batayan sa kung paano ka dapat na umasal, maaari mo lamang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ano’t anuman, kahit anong antas pa ng pagkaunawa ang maabot ng mga tao, bawat isa sa mga salita ng Diyos at bawat isa sa Kanyang mga hinihingi sa tao ay praktikal at detalyado at hinding-hindi kasingdali ng nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi dekorasyon para sa panlabas na hitsura nito, hindi simpleng pag-uugali ang mga ito, lalong hindi lamang isang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, sa halip, ang mga ito ay mga pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao; mga prinsipyo at pamantayan ang mga ito sa pag-asal at pagkilos ng tao, at dapat magpakadalubhasa ang mga tao sa mga prinsipyong ito at taglayin nila ang mga ito. Kung hindi Ko malinaw na ibabahagi ang tungkol sa mga detalyadong problemang ito, ilang doktrina lamang ang mauunawaan ng mga tao at mahihirapan silang makapasok sa katotohanang realidad.
Ang paksang katatapos lang nating pagbahaginan ay tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, kung ang pag-uusapan ay ang kanilang panlabas na pag-uugali. Ano pang alam ninyo kung ang pag-uusapan ay ang panlabas na pag-uugali? Kung mga kuru-kuro ang pag-uusapan, ang mga kuru-kuro ba ay tama o mali? (Mali.) Positibo ba ang mga ito o negatibo? (Negatibo.) Tiyak na taliwas ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan; hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Likhang-isip man ang mga ito ng mga tao o may pinagbabatayan man ang mga ito, ano’t anuman, walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kaya, ano ang layunin ng pagbabahagi at pagsusuri sa mga kuru-kurong ito? Ito ay para maipaalam muna sa mga tao kung ano ang mga kuru-kuro at, kasabay ng pagkaalam na mga kuru-kuro ang mga ito, at para tulutan ang mga tao na maunawaan kung ano ang katotohanan, bago nila pasukin ang katotohanan. Ang layunin nito ay para tulutan ang mga taong maunawaan ang diwa ng katotohanan, na taos-pusong humarap sa Diyos. Kahit gaano pa kamakatwiran ang mga kuru-kuro mo o kahit gaano pa karami ang batayan ng mga ito, mga kuru-kuro pa rin ang mga ito; hindi katotohanan ang mga ito, at hindi rin mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Kung itinuturing mong katotohanan ang mga kuru-kuro, kung gayon ay walang magiging anumang kinalaman sa iyo ang katotohanan, wala kang magiging anumang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, at mawawalan ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Kahit gaano ka pa magtrabaho o magparoo’t parito para sa Diyos, o kahit gaano pa kalaking halaga ang ibayad mo para sa Diyos, ano ang magiging huling resulta kung gagawin mo ang lahat ng ito batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Wala kang magagawang anuman na may kinalaman sa katotohanan o sa Diyos; kokondenahin ito ng Diyos at hindi Niya ito sasang-ayunan—ito ang mga kapaki-pakinabang at mapaminsalang kalalabasan. Dapat maunawaan na ninyo ngayon kung gaano kahalaga ang paglutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao.
Ano ang unang hakbang sa paglutas sa iyong mga kuru-kuro? Ito ay ang makilatis at makilala kung ano ba ang isang kuru-kuro. Nang unang gumawa ng mga pelikula ang sambahayan ng Diyos, may karima-rimarim na nangyari sa Film Production Team, na may kaugnayan sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ginagamit Kong halimbawa ang usaping ito para suriin ito ngayon, hindi para kondenahin ang sinuman, kundi para lumago kayo sa pagkilatis, nang sa gayon ay maalala ninyo ang bagay na ito, at nang sa gayon ay lumalim ang pagkaunawa ninyo sa mga kuru-kuro sa pamamagitan nito at nang malaman ninyo kung gaano kamapaminsala sa mga tao ang mga kuru-kuro. Kung hindi Ko tatalakayin ang bagay na ito, baka isipin ninyo na hindi ito isang malaking isyu. Gayunman, pagkatapos Ko itong suriin, tiyak na mapapatango kayo at sasang-ayon na isa nga itong malaking isyu. Pagdating sa paggawa ng mga pelikula, may katanungan tungkol sa kung anong kulay at istilo ng kasuotan ang dapat piliin. May ilang tao na sadyang konserbatibo, partikular na gumagamit ng malamlam na kulay-abo at khaki. Nahiwagaan Ako rito at napaisip Ako kung bakit ganito. Bakit nila pinipili ang ganitong mga kulay ng kasuotan? Dahil sa malamlam na kulay-abo at khaki, naging madilim talaga ang buong eksena, at naasiwa talaga Ako nang makita Ko ito. Bakit hindi sila pumili ng mas makulay na mga damit? Sinabi Ko nang maaaring maging mas makulay ang mga kasuotan at kailangang maging angkop at elegante ang istilo nito. Kaya bakit isinasantabi ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at hindi nila iniintindi ang mga ito, sa halip ay pinipili nila ang malalamlam na telang kulay-abo at khaki para sa mga damit? Bakit sila umaasal nang ganito? Hindi ba’t dapat itong pagnilay-nilayan? Ano ang ugat nito? Hindi naunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi sila nakinig sa kung ano ang sinabi, at hindi sila naging mapagpasakop—ang ugat ay may kalikasan ang mga tao sa loob nila na nagtataksil sa Diyos. Ano ang kalikasang ito? Ano ang disposisyong ito? Ang pinakamapanganib ay hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at kaya nilang tumangging tanggapin ang katotohanan, at naging matigas ang kanilang puso. Sinasabi ng mga tao na handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at handa silang hanapin ang katotohanan, pero kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, ginagawa lamang nila ang mga ito depende sa sarili nilang mga kagustuhan para makamit ang sarili nilang mga pakay. Kung usapin lang ito ng personal mong buhay, hindi magiging isang malaking isyu na gawin ang lahat ng bagay nang ayon sa gusto mo, dahil may kaugnayan lang iyon sa sarili mong pagpasok sa buhay. Subalit gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa iglesia, at ang mga ibubunga ng pagkilos sa ganoong paraan ay makakaapekto sa gawain ng Diyos at sa kaluwalhatian ng Diyos, at may kinalaman ito sa reputasyon ng iglesia; kung padalus-dalos na kikilos ang mga tao ayon sa sarili nilang kalooban, malamang na madungisan nila ang dangal ng Diyos. Hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa kung paano manamit ang mga indibiduwal—ang prinsipyo ay ang magmukhang desente at maayos, nang sa gayon ay makapagpatibay ito sa iba kapag nakita ka nila. Subalit angkop ba na imungkahi ng isang tao na magsuot ng malamlam na kulay-abo at khaki kapag gumagawa ng isang pelikula? Ano ang diwa ng problemang ito? Ito ay ang paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay nang nakasalalay sa kanilang mga kuru-kuro at itinuturing ang malamlam na kulay-abo at khaki bilang tanda at simbolo ng isang taong sumasampalataya at sumusunod sa Diyos. Maaaring sabihin na binigyang-kahulugan nila ang mga kulay na ito bilang mga kulay na naaayon sa katotohanan, sa mga layunin ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Diyos. Isa itong pagkakamali. Walang mali sa mismong mga kulay na ito, pero kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at ginagawa nilang parang simbolo ang mga kulay na ito, isa iyong problema. Bunga ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at nagkaroon ng ganitong mga kaisipan at pagsasagawa dahil ang mga kuru-kurong ito ay nasa puso ng mga tao. Itinuturing ng mga tao ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito na para bang katotohanan ang mga ito, ang malamlam na kulay-abo at khaki bilang simbolo ng pananamit ng mga mananampalataya sa Diyos, habang isinasantabi at binabalewala ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, at ang mga hinihingi ng Diyos, at pinapalitan ang mga ito ng mga kuru-kuro at pamantayan ng mga tao—ito ang ugat ng problema. Ang totoo, ang pagpili sa mga kulay at istilo ng kasuotan ay mga panlabas na bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan, pero nangyayari ang mga katawa-tawang bagay na ito dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, at negatibo ang naging epekto, kaya naman kinailangan ang katotohanan para lutasin ang naturang usapin.
Sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos, kahit ano pang isyu ang masagupa nila o kahit ano pang problema ang makaharap nila, palaging lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at patuloy nilang ginagamit ang mga ito. Palagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at lagi silang napipigilan, napangingibabawan, at nakokontrol ng kanilang mga kuru-kuro. Ito ang nagiging dahilan para ang mga kaisipan, pag-uugali, mga paraan ng pamumuhay, mga prinsipyo ng pag-asal, direksiyon at mga layon sa buhay ng mga tao, pati na kung paano nila tratuhin ang mga salita at gawain ng Diyos, ay mabahirang lahat ng kanilang mga kuru-kuro, at hindi sila napapalaya at nakakalaya sa pamamagitan ng katotohanan sa anumang paraan. Sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan at palaging pagkapit sa mga kuru-kuro, pagkaraan ng 10 o 20 taon, magpahanggang ngayon, nananatiling hindi nagagalaw ang mga kuru-kurong mayroon ang mga tao buhat pa noong una. Walang nagsuri sa mga ito nang mabuti, ang mga tao mismo ay hindi kailanman siniyasat ang mga ito, lalong hindi sila kailanman pumayag na mapungusan. Hindi kailanman buong tiyagang inasikaso ng mga tao ang mga ito, kaya naman kahit gaano pa sila katagal nang nanampalataya sa Diyos, umaani ba sila ng mga resulta o hindi? Tiyak na wala silang naaaning resulta. Ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay unti-unting bumubuti sa pamamagitan ng palagiang pagsusuri at pag-unawa sa mga kuru-kuro, at pagkatapos ay sa paglutas sa mga ito—hindi ba’t may praktikal na parte sa bagay na ito? (Oo.) Subalit kung namamalagi ang iyong mga kuru-kuro sa yugtong kung saan nagsimula kang sumampalataya sa Diyos, masasabing hindi man lang umunlad ang ugnayan mo sa Diyos. Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, ano pang mga kuru-kuro na inaasahan ninyo para mabuhay ang hindi pa ninyo nalutas? Aling mga kuru-kuro ang palagi ninyong pinaniniwalaan na tama, na mga bagay na umaayon sa katotohanan, at na pinaniniwalaan ninyong hindi isang problema? Aling mga kuru-kuro ang makakaapekto sa iyong pag-uugali, sa iyong paghahangad, at sa iyong mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, na nagiging dahilan para ang iyong ugnayan sa Diyos ay palaging maging walang sigla at hindi malapit o malayo? Nagkakamali ka sa paniniwala na mahal na mahal mo ang Diyos, na lumago na ang iyong pananalig at katapatan sa Diyos, na lumago na ang determinasyon mong magtiis, samantalang ang totoo, para sa Diyos, wala ka ni bahagyang katotohanang realidad. Dapat ninyong suriin lahat ang bagay na ito, at tiyak na mayroon ang bawat isa sa inyo ng maraming kuru-kuro na inaasahan ninyo para mabuhay na nananatili pa rin at hindi pa ninyo nalulutas. Ito ay isang napakaseryosong problema.
Nagbigay na Ako ng tatlong halimbawa ng mga kuru-kurong mayroon ang mga tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kaya, mas may kabatiran na ba kayo ngayon tungkol sa kung aling mga kuru-kuro ang mayroon kayo ukol sa pananampalataya sa Diyos? (Oo.) Kung gayon, sabihin nga ninyo sa Akin, ano pang mga kuru-kuro at imahinasyon ang makakahadlang sa mga tao sa pagsasagawa sa katotohanan at makakaimpluwensiya sa paggampan sa kanilang tungkulin at sa kanilang normal na ugnayan sa Diyos, ibig sabihin, ang mga kuru-kuro na makakahadlang sa mga tao sa paglapit sa harap ng Diyos at na may direktang epekto sa pagkakilala nila sa Diyos? (Malakas ang kuru-kuro ko na naniniwala ako na kung magagampanan ko nang normal ang aking tungkulin sa araw-araw, sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, matatamo ko ang kaligtasan.) Ang paniniwalang matatamo mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin ay isang kuru-kuro at imahinasyon. Kaya, mahalaga bang gampanan ang iyong tungkulin nang ayon sa pamantayan? Maaari bang magtamo ng kaligtasan ang mga taong hindi gumagampan sa kanilang tungkulin nang ayon sa pamantayan? Kung walang ingat na gumagampan sa kanyang tungkulin ang isang tao, maituturing itong panggagambala at panggugulo sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sa hindi magtatamo ng kaligtasan ang isang taong gumagawa nito, kundi maparurusahan din siya. Hindi ninyo naiisip ang mga bagay na ito, hindi ninyo nauunawaan ang mga ito, at hindi ninyo nakikita nang malinaw ang mga ito, pero nasasabi pa rin ninyo ang gayong mga bagay gaya ng “Hangga’t ginagampanan ko ang aking tungkulin, maliligtas ako at makakapasok ako sa kaharian ng langit.” Nakaayon ba ito sa mga salita ng Diyos? Pananaginip lang nang gising ang ganitong ideya; paano mong makakamit iyon nang ganoon lang kadali? Maituturing ba na pananalig sa Diyos ang hindi pagtanggap sa katotohanan? Matatamo ba ng isang tao ang kaligtasan nang hindi niya iwinawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon? Napakarami ninyong bagay na may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa loob ninyo. Ang lahat ng uri ng imahinasyon, pagkaunawa, at depinisyon na hindi nakaayon sa katotohanan ay may kinalamang lahat sa mga kuru-kuro. Ano pang mga kuru-kuro ang mayroon kayo? (Sa tingin ko, kapag mas mahalaga ang tungkuling ginagampanan ko at mas marami akong nagagawa na nagpapatotoo sa Diyos, mas marami akong makukuhang gantimpala, mas sasang-ayunan ako ng Diyos, at mas darami ang mga pagpapala ko sa hinaharap.) Isa rin itong kuru-kuro. Sa madaling salita, ang mga kuru-kuro ay bunga lang lahat ng imahinasyon at hinuha ng mga tao. Bagamat maaaring may batayan ang mga ito, hindi mula sa anumang batayan sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan ang mga ito, kundi sa mga ideyang batay sa ilusyon ng mga tao at bunsod ng pagnanais nila na pagpalain. Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay na napangingibabawan ng gayong kaisipan, ginagawa nila ang iba’t ibang bagay, at nagbabayad sila ng malaking halaga hanggang sa matuklasan nila sa wakas na nagkamali na pala sila at lumabag na sa mga prinsipyo, na hindi pala gaya ng inaakala nila ang mga bagay-bagay, kaya’t nagiging negatibo sila. Isang araw, kapag nagbalik-tanaw sila at napagtanto nila na sumusunod pala sila sa isang landas na nakasalalay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, napakahabang panahon na ang nasayang, at gusto sana nilang bumalik pero imposible na. Ano pang mga kuru-kuro ang mayroon kayo na hindi pa ninyo nalulutas? (Sa tingin ko, dahil nananampalataya ako sa Diyos at ginugugol ko ang aking sarili para sa Diyos, dapat akong pagpalain at bigyan ng Diyos ng mga kapakinabangan. Kapag may isyu ako at tumawag ako sa Diyos, pakiramdam ko ay dapat magbukas ng daan ang Diyos para sa akin, at dahil sumasampalataya ako sa Diyos, dapat maging maayos ang takbo ng lahat. Iyan ang dahilan kung bakit kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin at may nasagupa akong mahirap na sitwasyon, nagkakaroon ako ng maling pagkaunawa sa Diyos at sama ng loob sa Kanya, at pakiramdam ko ay parang hindi dapat pumayag ang Diyos na mangyari sa akin ang mga bagay na iyon.) May ganitong kuru-kuro ang karamihan sa mga tao; isa itong uri ng pagkaunawang mayroon ang mga tao patungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip ng mga tao na sumasampalataya sa Diyos ang isang tao para makakuha ng mga pakinabang, at kung hindi sila makakakuha ng mga pakinabang, tiyak na mali ang landas na ito. Nalutas na ba ang kuru-kurong ito ngayon? Nasimulan mo na bang ituwid ito? Kapag kinokontrol ng kuru-kurong ito ang iyong pag-uugali o naaapektuhan nito ang iyong direksiyon pasulong, hinanap mo na ba ang katotohanan para lutasin ito? Madalas na nililimitahan ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, naniniwala sila na sapagkat nananampalataya sila sa Diyos, dapat maging payapa ang lahat, o kung hindi ay iniisip nila na, “Ginugugol ko ang aking sarili at ginagampanan ko ang aking tungkulin para sa Diyos, kaya dapat pagpalain ng Diyos ang aking pamilya, pagpalain ang aking buong pamilya ng kapayapaan, tiyaking hindi ako magkasakit, at nang sa gayon ay maging masaya ang aking buong pamilya. At bagamat ginagampanan ko ang aking tungkulin, gawain ito ng Diyos, kaya dapat akuin ng Diyos ang lahat ng responsabilidad para dito at isaayos nang mabuti ang lahat at tiyaking hindi ako makakasagupa ng anumang paghihirap, panganib, o tukso kapag ginagampanan ko na ang aking tungkulin. Kung may anumang mangyayaring ganitong bagay, marahil hindi ito gawa ng Diyos.” Ang lahat ng ito ay pawang mga kuru-kuro ng mga tao; malamang na magkaroon ang mga tao ng gayong mga kuru-kuro kapag hindi nila nauunawaan ang gawain ng Diyos. Madalas bang lumilitaw ang mga kuru-kurong ito habang ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin? (Oo.) Kung lagi kang naniniwala na normal lang at makatwiran ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon at na ganito dapat ang maging lagay ng mga bagay-bagay, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, kung gayon, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Para sa iyo, hindi magkakaroon ng halaga o kabuluhan ang katotohanan, at mawawalan din ng kabuluhan ang iyong pananalig sa Diyos. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung madalas kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang mga tao, dumadalo sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, at namumuhay ng talagang normal na espirituwal na buhay, pero kumikilos, umaasal, at gumagampan sa kanilang mga tungkulin nang nakaasa sa kanilang mga kuru-kuro, ibinabatay ang lahat ng bagay sa kanilang mga kuru-kuro, at ginagamit ang kanilang mga kuru-kuro para sukatin ang tama o mali sa lahat ng uri ng bagay, kung gayon, hindi ba’t namumuhay ang mga ganitong tao nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Kahit gaano karaming sermon ang pinakikinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang kinakain at iniinom nila, maaari pa bang magbago ang mga taong namumuhay nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Maaari pa kayang bumuti ang kanilang ugnayan sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, sinasang-ayunan ba ng Diyos ang ganitong uri ng pananalig? (Hindi.) Siguradong hindi. Kaya napakahalaga na suriin ang mga kuru-kurong nakapaloob sa mga tao.
Ang karamihan sa mga tao ay walang anumang kuru-kuro kapag nakuha na ang kanilang gusto at maayos ang lahat, o kapag idinaraos nila ang mga tradisyonal na seremonyang panrelihiyon, pero kapag ginagampanan na ng Diyos ang Kanyang gawain at ipinapahayag ang katotohanan, lumilitaw ang anumang dami ng kuru-kuro. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao kapag hindi pa nila nagagampanan ang kanilang tungkulin at normal lang silang dumadalo sa mga pagtitipon, pero kapag hinihingi na ng Diyos na gampanan nila ang kanilang tungkulin o kapag nakakasagupa na sila ng mga paghihirap sa kanilang tungkulin, umuusbong na ang maraming kuru-kuro. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao kapag komportable sila sa pisikal at nagsasaya sa buhay, pero kapag nagkakasakit sila o nahaharap sa kagipitan, likas na umuusbong ang mga kuru-kuro. Halimbawa, bago sila sumampalataya sa Diyos, maayos ang takbo ng lahat sa trabaho at buhay-pamilya ng isang tao, pero pagkatapos niyang magsimulang sumampalataya sa Diyos, may ilang bagay na nangyayari na hindi niya nagugustuhan. Minsan ay nahuhusgahan sila, nadidiskrimina, naaapi, at naaaresto pa nga, napapahirapan, naiiwan nang may pangmatagalang karamdaman, na ikinababalisa nila at iniisip nila na, “Bakit hindi naging maganda ang takbo ng mga bagay-bagay sa mga panahong sumasampalataya ako sa Diyos? Sumasampalataya ako sa tunay na Diyos, kaya bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Paano naatim ng Diyos na makita akong binubugbog ng masasamang tao at niyuyurakan ng mga diyablo?” Hindi ba’t nakakabuo ng ganitong mga kuru-kuro ang mga tao? Ano ang dahilan sa likod ng pagbuo nila ng mga kuru-kurong ito? Naniniwala ang mga tao na, “Dahil sumasampalataya na ako ngayon sa Diyos, ako ay sa Kanya, at dapat alagaan ako ng Diyos, asikasuhin ang aking pagkain at matutuluyan, intindihin ang aking kinabukasan at ang aking kapalaran, pati na ang personal kong kaligtasan, kasama na ang kaligtasan ng aking pamilya, at siguraduhing magiging maayos ang lahat para sa akin, na magiging mapayapa at walang aberya ang lahat ng bagay.” At kung ang mga katunayan ay hindi katulad ng hinihingi o inaakala ng mga tao, iniisip nila na, “Ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi ganoon kaganda o kadali gaya ng iniisip ko. Kailangan ko pa rin palang pagdusahan ang lahat ng pag-uusig at kapighatiang ito at dumaan sa maraming pagsubok sa aking pananampalataya sa Diyos—bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos?” Tama ba ang ganitong pag-iisip o mali? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba’t ipinapakita ng pag-iisip na ito na humihingi sila ng mga bagay na hindi makatwiran sa Diyos? Bakit hindi nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan ang mga taong may gayong pag-iisip? Ang mabuting kalooban ng Diyos ay likas na nasa likod ng pagtulot Niya sa mga tao na maharap sa mga gayong bagay; bakit ba hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos? Bakit hindi nila kayang makipagtulungan sa gawain ng Diyos? Sinasadya ng Diyos na maharap ang mga tao sa mga gayong bagay upang hanapin nila ang katotohanan at kamtin ang katotohanan, at upang mamuhay sila nang umaasa sa katotohanan. Gayunpaman, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, sa halip, lagi nilang sinusukat ang Diyos gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon—ito ang problema nila. Ganito mo dapat maunawaan ang mga di-kaaya-ayang bagay na ito: Walang sinuman ang nagpapatuloy sa kanyang buong buhay nang walang paghihirap. Para sa ilang tao, may kinalaman ito sa pamilya, para sa ilan, sa trabaho, para sa ilan, sa pag-aasawa, at para sa ilan, sa pisikal na karamdaman. Lahat ay dapat magdusa. Sinasabi ng ilan, “Bakit kailangan maghirap ang mga tao? Napakagandang mabuhay ng buong buhay natin nang mapayapa at masaya. Hindi ba maaaring hindi tayo maghirap?” Hindi—dapat maghirap ang lahat. Nagdudulot ang paghihirap na maranasan ng bawat tao ang napakaraming pakiramdam ng pisikal na buhay, positibo man, negatibo, aktibo o pasibo man ang mga pakiramdam na ito; nagbibigay sa iyo ng iba’t ibang damdamin at pagpapahalaga ang pagdurusa, na para sa iyo ay karanasan mo lahat sa buhay. Isang aspekto iyan, at iyan ay para magkaroon ng higit na karanasan ang mga tao. Kung mahahanap mo ang katotohanan at mauunawaan ang layunin ng Diyos mula rito, kung gayon ay mas malalapit ka sa pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos. Ang isa pang aspekto ay na ito ang responsabilidad na ibinibigay ng Diyos sa tao. Anong responsabilidad? Ito ang pagdurusa na dapat mong maranasan. Kung makakaya mo ang pagdurusa na ito at matitiis ito, ito ay patotoo, at hindi isang bagay na nakakahiya. Kapag nagkakasakit sila, natatakot ang ilang tao na malalaman ito ng ibang tao; iniisip nila na isang nakakahiyang bagay ang magkasakit, samantalang ang totoo, hindi ito dapat ikahiya. Bilang isang normal na tao, kung, sa kabila ng karamdaman, nagagawa mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, tiisin ang lahat ng uri ng pagdurusa, at nagagawa mo pa ring gampanan nang normal ang iyong tungkulin, nagagawang tapusin ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, isa ba itong mabuting bagay o isang masamang bagay? Mabuting bagay ito, patotoo ito sa pagpapasakop mo sa Diyos, patotoo ito sa tapat mong paggampan sa iyong tungkulin, at patotoo ito na nagpapahiya at nagtatagumpay laban kay Satanas. Kaya naman, ang bawat nilikha at bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos ay dapat tumanggap at magpasakop sa anumang pagdurusa. Ganito mo ito dapat maunawaan, at dapat mong matutuhan ang aral na ito at matamo ang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nakaayon ito sa layunin ng Diyos, at ito ang pagnanais ng Diyos. Ito ang isinasaayos ng Diyos para sa bawat nilikha. Ang paglalagay sa iyo ng Diyos sa ganitong mga sitwasyon at kondisyon ay katumbas ng pagbibigay sa iyo ng responsabilidad, obligasyon, at atas, kaya dapat mong tanggapin ang mga ito. Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Ito nga.) Hangga’t galing ito sa Diyos, hangga’t may ganitong hinihingi sa iyo ang Diyos at may ganitong layunin para sa iyo, ito ang katotohanan. Bakit nasasabing katotohanan ito? Ito ay dahil kung tatanggapin mo ang mga salitang ito bilang ang katotohanan, magagawa mong lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kuru-kuro at ang paghihimagsik mo, para kapag muli kang maharap sa mga paghihirap hindi ka lalabag sa pagnanais ng Diyos o maghihimagsik laban sa Diyos, ibig sabihin, maisasagawa mo ang katotohanan at makapagpapasakop ka sa Diyos. Sa ganitong paraan, makapagpapatotoo ka at ito ay nagbibigay-kahihiyan kay Satanas, at magagawa mong kamtin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan. Kung susundin mo ang sarili mong mga kuru-kuro at ideya, iniisip na, “Sumasampalataya na ako sa Diyos ngayon kaya dapat akong pagpalain ng Diyos. Dapat akong maging isang taong pinagpapala,” kung gayon, paanong nauunawaan mo ang pagpapalang ito? Ang pagpapalang nauunawan mo ay isang panghabang-buhay na karangyaan at kasaganaan, ang magkaroon ng lahat ng gusto mong kainin at inumin, ang hindi magkaroon ng anumang karamdaman, ang maipanganak na mayroon na ng lahat, ang makuha ang lahat ng naisin mo, at ang magtamasa ng isang buhay na sagana sa materyal na bagay nang hindi na kailangan pang pagtrabahuhan ito. Higit pa rito, ito ay para makapamuhay ng mapayapang buhay kung saan maayos ang takbo ng lahat, namumuhay sa labis na kaginhawahan nang walang anumang pasakit—ito ang iniisip mong pagpapala. Pero kung titingnan ngayon, pagpapala ba iyon? Hindi iyon pagpapala, iyon ay kalamidad. Ang paglakad sa landas ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman ay magiging dahilan para lalo kang mapalayo sa Diyos, at nagiging sanhi rin ito para lalo kang lumubog sa buktot na mundong ito, at hindi mo na magawang makalaya. Kapag tinatawag ka ng Lumikha, maraming bagay ang hindi ka handang isuko, at hindi mo mabitiwan ang mga kaginhawahang ito ng laman. Kahit bigyan ka pa ng Diyos ng atas at hilingin sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, masyado mong pinapahalagahan ang iyong sarili: Ngayon ay hindi maganda ang pakiramdam mo, bukas ay hindi maganda ang mood mo, hinahanap-hanap mo ang iyong mga magulang, hinahanap-hanap mo ang iyong kabiyak, araw-araw ay iniisip lamang ang mga bagay sa laman, hindi ginagampanang mabuti ang anumang tungkulin pero gustong magtamasa ng mas higit pa kaysa sa iba. Nabubuhay ka na parang isang linta—kaya mo bang isagawa ang katotohanan? Kaya mo bang magbigay ng patotoo? Hindi, hindi mo kaya. Napakaraming imahinasyon ang mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos. Iniisip nilang matapos nilang makasampalataya sa Diyos, magkakaroon sila ng kayamanan at kapayapaan sa buong buhay nila, na makikinabang kasama nila ang lahat ng kanilang kamag-anak, nagniningning ang mga mata sa inggit, na hindi na sila kailanman maghihirap, at hindi na sila kailanman magkakasakit o mahaharap sa anumang uri ng sakuna. Nagiging dahilan ang gayong mga imahinasyon para magkaroon ang mga tao ng maraming di-makatwirang hinihingi sa Diyos. Kapag nagkaroon ka ng mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos, normal ba ang iyong ugnayan sa Diyos o hindi normal? Siguradong hindi ito normal. Kung gayon, nagiging dahilan ba ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito para pumanig ka sa Diyos o kumontra ka sa Diyos? Nagiging dahilan lamang ang mga ito para maging kontra ka sa Diyos, para makipagtagisan ka at makipaglaban sa Diyos, at ipagkanulo at itakwil mo pa nga ang Diyos, at ang mga pag-uugaling ito ay lalo pang lumalala. Ibig sabihin, sa sandaling magkaroon ng ganitong mga kuru-kuro ang mga tao, hindi na nila kaya pang panatilihin ang isang normal na ugnayan sa Diyos. Kapag nagkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, nararamdaman ng puso nila ang paghihimagsik at pagiging negatibo. Sa mga ganitong pagkakataon, dapat nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga kuru-kurong ito. Kapag nauunawaan na nila ang katotohanan, kapag nauunawaan nila ang atas na ibinibigay sa kanila ng Diyos at ang maraming hinihingi ng Diyos para sa kanilang pananampalataya sa Kanya, sa sandaling maunawaan na nila ang mga bagay na ito, at kaya na nilang umasal at kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, sa ganitong paraan, malulutas ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa sandaling maunawaan na nila ang katotohanan, likas nilang bibitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, at sa puntong iyon, lalong magiging normal ang kanilang ugnayan sa Diyos. Ang paglutas sa mga kuru-kuro ay katumbas ng paglutas sa mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa ibang salita, kapag nabitiwan at nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro, saka lamang nila mauunawaan kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga hinihingi ng Diyos.
Ano pang mga kuru-kuro ang nasa loob ng puso ninyo na maaaring makaimpluwensiya sa paggampan sa inyong mga tungkulin? Anong mga kuru-kuro ang madalas na nag-iimpluwensiya at namumuno sa inyo sa inyong buhay? Kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi mo gusto, kusang lumilitaw ang iyong mga kuru-kuro, at pagkatapos ay nagrereklamo ka sa Diyos, nakikipagtalo at nakikipagkumpitensiya ka sa Diyos, at nakapagdudulot ang mga ito ng mabilisang pagbabago sa iyong ugnayan sa Diyos: Nagsisimula ka sa kung ano ka sa simula, pakiramdam mo ay mahal na mahal mo ang Diyos at na masyado kang tapat sa Kanya, at gusto mong ilaan ang buong buhay mo para sa Kanya, hanggang sa biglang magbago ang puso mo, ayaw mo nang gampanan ang iyong tungkulin o maging tapat sa Diyos, at pinagsisisihan mo na ang iyong pagsampalataya sa Diyos, pinagsisisihan mo ang pagpili sa landas na ito, at nagrereklamo ka pa nga tungkol sa pagkakahirang sa iyo ng Diyos. Ano pang mga kuru-kuro ang biglaang nakapagpapabago sa iyong ugnayan sa Diyos? (Kapag nagsasaayos ng sitwasyon ang Diyos para subukin at ibunyag ako, at pakiramdam ko ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan, nakakabuo ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pakiramdam ko ay sumasampalataya ako sa Diyos at sumusunod ako sa Kanya, at na palagi kong nagagawa ang aking tungkulin, kaya hangga’t hindi ko tinatalikuran ang Diyos, hindi Niya ako dapat pabayaan.) Isang uri ng kuru-kuro iyan. Madalas ba kayong nagkakaroon ng gayong mga kuru-kuro? Ano ba ang pagkaunawa ninyo kapag sinabing pinabayaan ng Diyos? Iniisip ba ninyo na kung iiwan kayo ng Diyos, ibig sabihin niyon ay ayaw na sa inyo ng Diyos at hindi na Niya kayo ililigtas? Isang uri na naman ito ng kuru-kuro. Kaya, paano ba nagkakaroon ng gayong kuru-kuro? Galing ba ito sa iyong imahinasyon, o may batayan ba ito? Paano mo nasasabing hindi ka bibigyan ng Diyos ng magandang kalalabasan? Sinabi ba sa iyo ng Diyos nang personal? Ikaw lang ang nag-isip ng mga gayong kaisipan. Ngayong alam mo na na isa itong kuru-kuro; ang mahalagang katanungan ay kung paano ito lutasin. Ang totoo, maraming kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos. Kung mapagtatanto mong mayroon kang kuru-kuro, dapat alam mo na mali ito. Kaya, paano ba dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito? Una, kailangan mong makita nang malinaw kung buhat ba sa kaalaman o sa mga satanikong pilosopiya ang mga kuru-kurong ito, kung saan may pagkakamali, kung saan may pinsala at, sa sandaling makita mo ito nang malinaw, kusa mong mabibitiwan ang kuru-kuro. Gayunpaman, hindi ito katulad ng kung lubusan mo itong lulutasin; dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan, makita kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at pagkatapos ay suriin ang kuru-kuro nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag malinaw mo nang nakikilala na mali ang naturang kuru-kuro, na isa itong kahangalan, at na ganap itong hindi nakaayon sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay talagang nalutas mo na ang kuru-kuro. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, kung hindi mo ikukumpara ang kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikita nang malinaw kung paanong naging mali ang kuru-kuro, at kaya hindi mo lubusang mabibitiwan ang kuru-kuro; kahit pa alam mong isa itong kuru-kuro, hindi mo pa rin ito ganap na mabibitiwan. Sa gayong mga sitwasyon, kung sumasalungat ang iyong mga kuru-kuro sa mga hinihingi ng Diyos, at kahit pa mapagtanto mong mali ang mga kuru-kuro mo, pero kumakapit pa rin ang puso mo sa iyong mga kuru-kuro, at nakatitiyak ka na salungat sa katotohanan ang mga kuru-kuro mo, pero sa puso mo ay naniniwala ka pa ring mapaninindigan ang iyong mga kuru-kuro, kung gayon, hindi ka magiging isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at ang mga tao na kagaya mo ay walang buhay pagpasok at masyadong kulang sa tayog. Halimbawa, sadyang sensitibo ang mga tao patungkol sa sarili nilang kalalabasan at hantungan, at sa mga pagbabago sa kanilang tungkulin at kapag pinapalitan sila sa kanilang tungkulin. Malimit na nagkakaroon ng maling konklusyon ang ilang tao tungkol sa gayong mga bagay, iniisip na sa sandaling mapalitan sila sa kanilang tungkulin at wala na silang katayuan, o kapag sinasabi ng Diyos na ayaw na Niya sa kanila, kung gayon ay katapusan na nila. Ito ang nagiging konklusyon nila. Naniniwala silang, “Wala nang kabuluhang sumampalataya sa Diyos, ayaw sa akin ng Diyos, at nakatakda na ang aking kalalabasan, kaya ano pa ang saysay na mabuhay?” Pagkarinig ng iba sa gayong mga kaisipan, iniisip nilang makatwiran at marangal ang mga ito—pero anong uri ba talaga ito ng pag-iisip? Ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at pagsuko sa kawalan ng pag-asa. Bakit sila nawawalan ng pag-asa? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi nila malinaw na nakikita kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Alam ba ng Diyos kapag sumusuko ang mga tao sa kawalan ng pag-asa? (Oo.) Alam ng Diyos, kaya naman paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Nagkakaroon ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro at sinasabing, “Nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para sa tao, marami na Siyang ginawa sa bawat tao, at nagsikap Siya nang husto; hindi madali para sa Diyos na pumili at magligtas ng isang tao. Labis na masasaktan ang Diyos kung susuko ang isang tao sa kawalan ng pag-asa, at aasa Siya bawat araw na makakabangon ang taong iyon.” Ito ang mababaw na kahulugan, pero ang totoo, isa rin itong kuru-kuro ng tao. May partikular na saloobin ang Diyos sa gayong mga tao: Kung susuko ka sa kawalan ng pag-asa at hindi mo susubukang sumulong, hahayaan ka Niyang magpasya para sa sarili mo; hindi ka Niya pipiliting gawin ang anumang bagay na labag sa iyong kalooban. Kung sinasabi mong, “Nais ko pa ring gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin ang lahat ng aking makakaya na magsagawa gaya ng hinihingi ng Diyos, at tuparin ang mga layunin ng Diyos. Gagamitin ko ang lahat ng kaloob at talento ko, at kung wala akong kakayahang gawin ang anumang bagay, matututo akong magpasakop at maging masunurin; hindi ko tatalikuran ang aking tungkulin,” sasabihin ng Diyos, “Kung handa kang mamuhay sa ganitong paraan, magpatuloy ka sa pagsunod, pero dapat mong gawin ang hinihiling ng Diyos; ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ay hindi nagbabago.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin ng mga ito ay ang mga tao lamang ang kayang sumuko sa kanilang sarili; hindi kailanman susukuan ng Diyos ang isang tao. Para sa sinumang nakakapagkamit ng kaligtasan at nakakakita sa Diyos sa huli, na nakabubuo ng normal na ugnayan sa Diyos, at kayang lumapit sa harap ng Diyos, hindi ito isang bagay na maaaring makamit matapos mabigo o mapungos sa isang pagkakataon lang, o matapos mahatulan at makastigo nang isang beses lang. Bago naperpekto si Pedro, dinalisay siya nang daan-daang beses. Sa mga natira matapos magtrabaho hanggang sa kahuli-hulihan, walang kahit isang makakarating sa dulo na nakaranas lamang ng walo o sampung beses na pagsubok at pagpipino. Kahit ilang beses pang masubok at mapino ang isang tao, hindi ba’t ito ang pagmamahal ng Diyos? (Oo.) Kapag namamasdan mo ang pagmamahal ng Diyos, mauunawaan mo na ang saloobin ng Diyos para sa tao.
Kapag binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at nakikita nilang kinokondena ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga salita, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro at nagtatalo ang kalooban nila. Halimbawa, sinasabi ng mga salita ng Diyos na hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kaya hindi ka gusto o tanggap ng Diyos, na isa kang taong gumagawa ng masama, isang anticristo, na tingnan ka pa lang Niya ay sumasama na ang loob Niya at na ayaw Niya sa iyo. Nababasa ng mga tao ang mga salitang ito at naiisip, “Ako ang pinatatamaan ng mga salitang ito. Nagpasya na ang Diyos na ayaw Niya sa akin, at dahil pinabayaan na ako ng Diyos, hindi na rin ako mananampalataya sa Kanya.” May mga taong, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, madalas na nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa dahil inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao at sinasabi ang ilang bagay na nagkokondena sa mga tao. Nagiging negatibo at mahina sila, iniisip na sila ang pinatatamaan ng mga salita ng Diyos, na sinusukuan na sila ng Diyos at hindi na sila ililigtas. Nagiging negatibo sila hanggang sa puntong naiiyak sila at ayaw na nilang sumunod sa Diyos. Ang totoo, isa itong maling pagkaunawa sa Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi mo dapat subukang ilarawan ang Diyos. Hindi mo alam kung anong uri ng tao ang pinababayaan ng Diyos, o sa kung anong mga sitwasyon Niya sinusukuan ang mga tao, o sa kung anong mga sitwasyon Niya isinasantabi ang mga tao; may mga prinsipyo at konteksto sa lahat ng ito. Kung hindi mo nauunawaan nang lubusan ang mga detalyadong bagay na ito, madali kang magiging napakasensitibo at lilimitahan mo ang iyong sarili batay sa isang salita ng Diyos. Hindi ba’t magdudulot iyon ng problema? Kapag hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ano ang pangunahing katangian nila na kinokondena Niya? Ang hinahatulan at inilalantad ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao, kinokondena Niya ang kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan, kinokondena Niya ang iba’t ibang pagpapamalas at pag-uugali ng kanilang pagsuway at pagsalungat sa Diyos, kinokondena Niya sila dahil hindi nila magawang magpasakop sa Diyos, dahil palagi nilang sinasalungat ang Diyos, at dahil palagi silang may sariling mga motibasyon at layon—ngunit ang gayong pagkondena ay hindi nangangahulugan na pinababayaan na ng Diyos ang mga taong may mga satanikong disposisyon. Kung hindi ito malinaw sa iyo, kung gayon ay wala kang abilidad na makaunawa, kaya medyo katulad ka ng mga taong may sakit sa pag-iisip, palaging naghihinala sa lahat ng bagay at nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang tunay na pananampalataya, kaya paano sila susunod sa Diyos hanggang wakas? Kapag naririnig mo ang isang pahayag ng pagkondena mula sa Diyos, iniisip mo na, dahil kinondena na ng Diyos, pinabayaan na ng Diyos ang mga tao, at hindi na sila maliligtas, at dahil dito ay nagiging negatibo ka, at hinahayaan mong mawalan ka ng pag-asa. Maling pag-unawa ito sa Diyos. Sa katunayan, hindi pinabayaan ng Diyos ang mga tao. Nagkamali sila ng pag-unawa sa Diyos at pinabayaan nila ang kanilang sarili. Wala nang mas mapanganib pa kaysa sa kapag pinababayaan ng mga tao ang kanilang sarili, gaya ng ipinatupad sa mga salita ng Lumang Tipan: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa” (Kawikaan 10:21). Wala nang mas hahangal pang pag-uugali kaysa kapag hinahayaan ng mga tao ang kanilang sarili na mawalan ng pag-asa. Kung minsan ay may nababasa kang mga salita ng Diyos na tila naglalarawan sa mga tao; sa katunayan, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman, kundi pagpapahayag ang mga iyon ng mga layunin at opinyon ng Diyos. Ang mga ito ay mga salita ng katotohanan at prinsipyo, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman. Ang mga salitang binigkas ng Diyos sa mga panahon ng galit o pagkapoot ay kumakatawan din sa disposisyon ng Diyos, ang mga salitang ito ay ang katotohanan, at bukod pa riyan, nabibilang ang mga ito sa prinsipyo. Dapat itong maunawaan ng mga tao. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi nito ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at maunawaan ang mga prinsipyo; talagang hindi ito para limitahan ang sinuman. Wala itong kinalaman sa huling hantungan at gantimpala ng mga tao, lalong hindi ang mga ito ang huling kaparusahan ng mga tao. Ang mga ito ay mga salita lamang na sinalita para hatulan at pungusan ang mga tao, ang mga ito ay resulta ng pagkagalit sa mga taong hindi tumutugon sa Kanyang mga ekspektasyon, at sinasalita ang mga ito para gisingin ang mga tao, para pakilusin sila, at ang mga ito ay mga salitang nagmumula sa puso ng Diyos. Gayunpaman, ang ilang tao ay nadadapa at tinatalikuran ang Diyos dahil sa iisang pahayag ng paghatol mula sa Diyos. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi sila tinatablan ng katwiran, hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Nakakadama ng panghihina ang ilang tao sa sandaling panahon at pagkatapos ay muling lumalapit sa Diyos, iniisip na, “Hindi tama ito, dapat patuloy akong sumunod sa Diyos at dapat gawin ko kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ako susunod sa Diyos o gagampang mabuti sa aking tungkulin, mawawalan ng saysay ang buhay ko. Alang-alang sa pagsasabuhay ng isang makabuluhang buhay, dapat akong sumunod sa Diyos.” Paano ba nila susundin ang Diyos? Dapat nilang maranasan ang gawain ng Diyos. Ang pagsasabi lang na sumasampalataya ang isang tao sa Diyos at hindi naman nararanasan ang gawain ng Diyos ay hindi pagsunod sa Diyos. Ang dati-rating hindi tapat na paggampan sa tungkulin ng isang tao at ang pagtangging mapungusan nang kaunti—ito ba ang saloobing dapat mayroon ang isang tao kapag tinatanggap ang gawain ng Diyos? Ang tumangging mapungusan at ang palaging pagrereklamo kapag nagdurusa nang kaunti ang isang tao—anong uri ng disposisyon ito? Dapat magnilay-nilay sa sarili ang isang tao at alamin kung ano ang hinihingi ng Diyos, at dapat gawin ng isang tao kung ano ang hinihingi ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na hindi sapat ang kakayahan mo, hindi nga sapat ang kakayahan mo, at hindi mo dapat gamitin ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon para limitahan ang mga bagay-bagay o kontrahin ang Diyos; dapat kang magpasakop at aminin na hindi nga sapat ang kakayahan mo. Kung gayon, hindi ba’t mayroon ka nang landas sa pagsasagawa? Maiiwan pa ba ng isang tao ang Diyos kapag naisasagawa niya ang katotohanan at nakapagpapasakop sa Diyos? Hindi, hindi niya magagawa. May mga pagkakataon na naniniwala ka na sinukuan ka na ng Diyos—ngunit sa katunayan, hindi ka sinukuan ng Diyos, inilagay ka lang Niya sa isang tabi pansamantala upang makapagnilay-nilay ka sa iyong sarili. Maaaring maging kasuklam-suklam ka sa paningin ng Diyos, at ayaw Niyang makinig sa iyo, pero hindi ka Niya tunay na tinalikuran. May ilang nagsisikap na gumampan sa kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero dahil sa kanilang diwa at sa iba’t ibang bagay na namamalas sa kanila, nakikita ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan at hinding-hindi tinatanggap ang katotohanan, kaya naman talagang tinatalikuran sila ng Diyos; hindi sila tunay na mga hinirang, kundi pansamantalang nagbigay-serbisyo lamang. Samantalang may ilan naman na dinidisiplina, itinutuwid, at hinahatulan nang husto ng Diyos, at kinokondena at sinusumpa pa nga, ginagamitan ng iba’t ibang paraan ng pagtrato sa kanila na di-sang-ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang layunin ng Diyos, at iniisip nila na pinag-iinitan sila ng Diyos at nakakasakit Siya. Iniisip nilang walang karangalan sa pamumuhay sa harap ng Diyos, hindi na nila nais na saktan pa ang Diyos at nililisan ang iglesia. Iniisip pa nga nila na may katwiran ang pagkilos nang ganito, at sa ganitong paraan, tinatalikuran nila ang Diyos—ngunit sa katunayan, hindi sila pinabayaan ng Diyos. Ang mga nasabing tao ay walang kamalay-malay sa layunin ng Diyos. Sila ay sobra ang pagiging madamdamin, umaabot pa sa punto na sumusuko na sila sa pagliligtas ng Diyos. May konsensiya ba talaga sila? May mga panahong iniiwasan ng Diyos ang mga tao, at mga panahong inilalagay Niya sila sa isang tabi nang ilang panahon upang mapagnilayan nila ang kanilang mga sarili, ngunit hindi sila tinalikdan ng Diyos; binibigyan Niya sila ng pagkakataong magsisi. Ang tanging totoong tinatalikdan ng Diyos ay ang masasamang tao na gumagawa ng maraming masasamang gawain, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo. Sabi ng ilang tao, “Pakiramdam ko ay wala akong gawain ng Banal na Espiritu at matagal na akong walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Iniwan na ba ako ng Diyos?” Ito ay maling pakahulugan. May problema rin sa disposisyon dito: Masyadong emosyonal ang mga tao, palagi nilang sinusunod ang sarili nilang pangangatwiran, palaging sutil, at walang katwiran—hindi ba’t isa itong problema sa disposisyon? Sinasabi mong tinalikuran ka na ng Diyos, na hindi ka Niya ililigtas, kung gayon, naitakda na ba Niya ang iyong kalalabasan? May nasabi lang na ilang galit na salita ang Diyos sa iyo. Paano mo naman nasabing sinukuan ka na Niya, na ayaw na Niya sa iyo? May mga pagkakataong hindi mo maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit hindi ka pinagkaitan ng Diyos ng karapatang basahin ang Kanyang mga salita, ni hindi Niya itinakda ang katapusan mo, o pinutol ang landas mo tungo sa kaligtasan—kaya, ano ang ikinasasama ng loob mo? Nasa masama kang kalagayan, may problema sa iyong mga motibo, may mga isyu tungkol sa iyong kaisipan at pananaw, baluktot ang lagay ng iyong pag-iisip—at gayunpaman, hindi mo sinusubukang ayusin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, sa halip ay palagi mong binibigyan ng maling pakahulugan ang Diyos at nagrereklamo ka sa Kanya, at ipinapasa ang responsabilidad sa Diyos, at sinasabi mo pa ngang, “Ayaw sa akin ng Diyos, kaya hindi na ako nananampalataya sa Kanya.” Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatarungan? Hindi ba’t ikaw ay nagiging hindi makatwiran? Ang ganitong uri ng tao ay masyadong maramdamin, ni walang anumang katuturan, at hindi tinatablan ng kahit anong katwiran. Ang taong ito ang pinakamahirap tumanggap sa katotohanan at siyang mahihirapan nang husto sa pagkamit ng kaligtasan.
Tandaan ninyo ang mga salitang ito: Naperpekto si Pedro sa pamamagitan ng daan-daang beses na pagpipino. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo, ang mapino nang daan-daang beses ay ang mamuhay ng isang kahanga-hangang buhay ng labis-labis na paghihirap sa pagsunod sa Diyos, at sa bandang huli ay mapako sa krus nang patiwarik. Hindi ganito ang kaso; kuru-kuro lang ito ng tao. Bakit Ko sinasabing kuru-kuro lang ito ng tao? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang mga pagsubok ng Diyos at na ang bawat pagsubok ay isinasaayos at ginagawa ng kamay ng Diyos; hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ba itong “daan-daang beses,” o kung bakit pinino ng Diyos si Pedro nang daan-daang beses, o kung paano naabot ang “daan-daang beses” na ito, o kung ano ba ang ugat na dahilan—hindi alam ng mga tao ang mga bagay na ito, sa halip ay palagi silang umaasa sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon para maunawaan ang mga bagay-bagay, at bilang resulta, nagkakaroon sila ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Hindi nauunawaan ng mga tao ang ilang partikular na salita ng Diyos na hindi nila naranasan. Sa totoong buhay, kung ang ginagawa ng Diyos sa bawat tao ay ang pagpalain sila, gabayan sila, at mahinahong kausapin sila, kung gayon, para sa mga tao ay habambuhay na magiging mga walang kabuluhan na salita lamang ang mga pagsubok, at hindi na hihigit pa sa isang salita, isang depinisyon, isang konsepto. Gayunpaman, madalas na ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito sa iyo: nagiging dahilan ngayon para ikaw ay magkasakit, nagiging dahilan ngayon para maharap ka sa isang di-kaaya-ayang bagay at masiraan ka ng loob at manghina, nagiging dahilan ngayon para maharap ka sa isang mahirap na sitwasyon na nahihirapan kang kayanin at hindi mo alam kung ano ang tamang gawin—ano ang mga bagay na ito para sa iyo? Pagdating sa lahat ng di-kaaya-ayang bagay na ito, sa lahat ng pagdurusa o suliranin o paghihirap na ito, maging sa mga tukso ni Satanas, kung palagi mong maituturing ang mga ito bilang mga pagsubok na ibinigay sa iyo ng Diyos, ang bawat isa bilang isang pagsubok mula sa daan-daang pagsubok, at kaya mong tanggapin ang mga ito at hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga ito, kung gayon, sasailalim sa pagbabago ang iyong kalagayan at bubuti ang ugnayan mo sa Diyos. Subalit kung nahaharap ka sa mga pagsubok at hindi mo tinatanggap ang mga ito, palagi mong pinagtataguan ang mga ito, nilalabanan ang mga ito, at kinokontra ang mga ito, kung gayon, ang “daan-daang pagsubok” na ito ay habambuhay na magiging mga walang kabuluhan na salita lamang sa iyo na hindi kailanman matutupad. Halimbawa, nagkikimkim ng masamang saloobin sa iyo ang isang tao at, dahil hindi mo alam ang dahilan nito, hindi ka masaya. Kung namumuhay ka nang mainitin ang ulo at ayon sa iyong laman, may maidadahilan ka para maging di-kaaya-aya sa kanya—ngipin sa ngipin, mata sa mata. Pero kung namumuhay ka sa harap ng Diyos at nais mong magawang perpekto at mailigtas ng Diyos, dapat mong ituring ang lahat ng kinakaharap mong ito bilang isang pagsubok mula sa Diyos at tanggapin ito; ang totoo, isa ito sa iba’t ibang mga paraan kung saan sinusubok ka ng Diyos. Sa pagbabahagi sa ganitong paraan, mas nakakaramdam na ba kayo ng kalayaan at kapanatagan sa inyong puso ngayon? Kung makapagsasagawa kayo alinsunod sa mga salitang ito, maihahambing ang inyong ugali at mga pananaw sa mga salitang ito, kung gayon ay makakatulong ito sa inyo nang malaki pagdating sa pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa pang-araw-araw ninyong buhay.
Ano ang mga pangunahing aspekto na kasama sa talakayan ngayon tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Ang isa ay ang aspekto ng panlabas na pag-uugali ng mga tao, paimbabaw na kumikilos gaya ng mga Pariseo, kumikilos nang pinong-pino at napakamagalang; ang isa pang aspekto ay ang tungkol sa pagkain, pananamit, matutuluyan, at paglalakbay; isa pa ay ang aspeto ng pagkaunawa ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, iniisip na sa pagsampalataya nila sa Diyos, dapat silang pagpalain at bigyan ng mga pakinabang. Ano ang naging karanasan ni Job sa aspektong ito? Nang sumapit ang mga pagsubok kay Job, nagawa niyang tiyakin na mula sa Diyos ang mga ito, na wala siyang anumang nagawang mali at na hindi ito parusa mula sa Diyos, bagkus ay pagsubok ito sa kanya ng Diyos at pagtukso ito sa kanya ni Satanas—ganito niya ito naunawaan. At paano naman ito naunawaan ng mga kaibigan ni Job? Naniwala silang sumapit ang sakunang ito kay Job dahil may nagawa siyang mali at nagkasala siya sa Diyos. Ang pag-iisip nila nang ganito ay nagpapakitang nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Bakit naiiba ang naging pagkaunawa ni Job kaysa sa ibang tao? Ito ay dahil malinaw na nakita ni Job kung ano ang nangyayari, kaya hindi siya nagkimkim ng anumang kuru-kuro tungkol dito. Habang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain kay Job, tumibay sa karanasan si Job at nakilala niya ang gawain ng Diyos, at wala nang mga ganitong kuru-kuro at ideyang ng tao si Job. Kaya, nang gumawa ang Diyos kay Job, nagkamali ba siya ng pagkaunawa? (Hindi.) Hindi siya nagkamali ng pagkaunawa kaya naman hindi siya nagreklamo; hindi siya nagkamali ng pagkaunawa, kaya hindi siya nagrebelde; hindi siya nagkamali ng pagkaunawa, kaya nagawa niyang tunay na magpasakop. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Bakit ito tama? Kung nagsasabi ng “Amen” ang mga tao sa mga salita ng Diyos sa kanilang puso, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang realidad ng mga positibong bagay, bilang mga bagay na tama, bilang ang pamantayan, bilang kataas-taasan, at bilang mga prinsipyong dapat nilang isagawa, kung gayon ay magpapasakop sila at hindi sila magkakamali ng pagkaunawa. Palaging may isang pagpapahayag kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa mga salitang binibigkas ng Diyos o sa mga gawa ng Diyos—anong pagpapahayag iyon? (Ayaw nilang tanggapin ang mga ito.) At ano ang nasa likod ng pagtanggi nilang ito na tanggapin ang mga salita at gawa ng Diyos? Ito ay dahil mayroon silang sariling mga ideya, at kumokontra at sumasalungat ang mga ideyang ito sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumubuo ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro ang mga tao patungkol sa Diyos, naniniwala na ang mga bagay na sinasabi ng Diyos ay hindi palaging tama. Minsan, kahit pa mukhang tinanggap ang mga ito ng mga tao, isang pagkukunwari lamang ito at hindi tunay na pagtanggap. Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, dapat ganap na mag-isip ang isang tao alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at sumang-ayon sa mga salita ng Diyos sa kanyang puso, at saka lamang siya magiging kaayon ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang mga bagay na ito sa iyong puso, at nagkakaroon ka ng maling pagkaunawa at kinokontra at nilalabanan mo pa nga ang mga ito, kung gayon, ipinapakita nito na may isang bagay sa loob mo. Kung masusuri mong mabuti ang bagay na ito na nasa loob mo at mahahanap ang katotohanan, kung gayon ay malulutas ang iyong mga kuru-kuro; kung mayroon kang baluktot na pagkaunawa, kung wala kang espirituwal na pagkaunawa, o wala kang kakayahang makaarok, sadyang wala kang kakayahang ihambing ang iyong mga kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, hindi mo kayang alamin at suriin ang mga ito, at hindi mo namamalayan kapag umuusbong ang mga kuru-kuro sa iyo, kung gayon, hindi na malulutas ang iyong mga kuru-kuro. Alam na alam ng ilang tao na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa kanilang puso, pero sinasabi pa rin nila na wala, natatakot sila na kung aamin sila ay mapapahiya at mamaliitin sila. Kung may magtatanong sa kanila ng, “Kung hindi ka nagkamali ng pagkaunawa sa Diyos, bakit hindi ka makapagpasakop sa Kanya?” at sasagot sila, “Hindi ko alam kung paano magsagawa.” Anong uri ng pagpapamalas ito? Kung wala kang espirituwal na pang-unawa, kung wala kang kakayahang kumilatis, at hindi ka marunong magnilay-nilay sa iyong sarili kapag mayroon kang problema, hindi mo magagawang lutasin ang iyong mga kuru-kuro o ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag may mga bagay na nangyayari na walang kaugnayan sa iyong mga kuru-kuro, pakiramdam mo ay kalmadong-kalmado ka, at hindi mababakas na mayroon kang anumang problema. Subalit sa sandaling may mangyari na may kinalaman sa iyong mga kuru-kuro, umuusbong ang iyong mga damdaming salungat sa Diyos. Paano naipapamalas ang pagsalungat na ito? Minsan, maaaring makaramdam ka ng hinanakit, at sa paglipas ng panahon at hindi nalutas ang pakiramdam na ito, lalong lalalim ang iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos at titindi ang iyong tiwaling disposisyon, at magsisimula ka nang ibulalas ang iyong mga kuru-kuro at husgahan ang Diyos. Sa sandaling husgahan mo ang Diyos, hindi na ito problema sa pag-iisip o pag-uugali, bagkus isa nang pagpapakita ng satanikong disposisyon. Kung nagpapakita ng kaunting pagsalungat o walang pagpapasakop ang isang tao sa kanyang pag-uugali dahil sa lubos na kamangmangan, hindi ito kinokondena ng Diyos; kung tuwirang sumasalungat sa Diyos ang isang tao mula sa disposisyon nito at sinasadyang sumasalungat sa Kanya, magsasanhi ito ng problema sa tao, at sinusuway nito ang Diyos. Kapag sinasadyang suwayin ng isang tao ang Diyos, isa itong pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Kaya, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, dapat nilang lutasin ang mga ito; kapag nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro, saka nila malulutas ang mga maling pagkaunawa sa pagitan nila ng Diyos; at kapag nalutas na ang mga maling pagkaunawa sa pagitan nila at ng Diyos, saka lamang sila tunay na makapagpapasakop sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Wala akong mga kuru-kuro at nalutas na ang mga maling pagkaunawa sa pagitan namin ng Diyos. Wala na akong iniisip pa.” Sapat na ba ito? Ang layon sa paglutas sa mga kuru-kuro ay hindi para lutasin lang ang mga kuru-kuro, kundi ay para magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, para makamit ang pagpapasakop sa Diyos at mapalugod ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Hangga’t wala akong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, sapat na iyon, magiging ayos ang lahat, at magiging ligtas ako.” Hindi ito tunay na pagsasagawa sa katotohanan o totoong pagpapasakop—hindi pa rin nalutas ang problema. Kung talagang nalutas ang problema, bukod sa hindi magkakaroon ng mga maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos, malalaman din nila kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga layunin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kanila. Bukod sa magagawa nilang suriing mabuti ang sarili nilang mga kuru-kuro, matutulungan rin nila ang mga taong may mga kuru-kuro na matutong hanapin ang katotohanan, na maisagawa ang katotohanan at matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi ba’t sila ay magiging ayon sa mga layunin ng Diyos kung gayon? Ang pinakalayon sa paglutas ng mga kuru-kuro ay ang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at makapasok sa katotohanang realidad—ito ang susi. Sinasabi mong hindi ka pa nagkaroon ng anumang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, kung gayon, nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kahit pa wala kang mga kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ka pa rin isang taong nagpapasakop sa Diyos. Ang hindi pagkakaroon ng mga maling pagkaunawa ay hindi nangangahulugang nauunawaan mo ang Diyos, lalong hindi ito nangangahulugang may kakayahan kang magpasakop sa Kanya. Walang anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos kapag maayos ang lahat ng bagay, pero hindi ito nangangahulugang wala silang kahit anong kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag may nangyayari sa kanila na may kaugnayan sa kanilang mga personal na interes, kusang lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at nagrereklamo pa nga. Kaya bang magpasakop sa Diyos ang mga tao kapag itinuturing nilang napakahalaga ang kanilang mga personal na interes? Bakit ba kapag may nangyayari na nakakaapekto sa mga personal na interes ng isang tao, lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa bilang resulta at naghihimagsik at sumusuway sila sa Diyos? Ganito talaga ang nangyayari sa mga taong may satanikong kalikasan at satanikong disposisyon. Kapag may nangyayari na nakakaapekto sa kanilang mga personal na interes, hindi na sila nakapagpapasakop sa Diyos, at hindi rin sila nakapagpapasakop sa Diyos kapag may nangyayaring salungat sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos ay lumilitaw kasabay ng kanilang sitwasyon. Kung hindi nila magawang hanapin at tanggapin ang katotohanan, hindi kailanman malulutas ang kanilang mga kuru-kuro at hindi kailanman babalik sa normal ang kanilang ugnayan sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro pero hindi naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito ay hindi maililigtas ng Diyos kahit gaano karaming taon na silang nananampalataya sa Kanya.
Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi lamang mga walang kabuluhang salita. Ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanang ito upang matugunan ang iba’t ibang bagay ng tiwaling sangkatauhan na salungat sa katotohanan—ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, pilosopiya, tradisyonal na kultura, atbp. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bagay na ito, ipinapaunawa Niya sa tao kung ano ang bumubuo sa mga positibong bagay, kung ano ang bumubuo sa mga negatibong bagay, kung aling mga bagay ang nagmumula sa Diyos, kung aling mga bagay ang nagmumula kay Satanas, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas. Kung nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito nang naaayon sa kung ano talaga sila, likas nilang pipiliin na hangarin ang tamang landas sa buhay, at naisasagawa nila ang katotohanan, nagagawa nila ang hinihingi ng Diyos, at nakikilatis ang mga negatibong bagay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at ito rin ang pamantayan sa Kanyang pagperpekto at pagliligtas sa mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sinusuri ng Diyos ang mga kuru-kuro ng tao, ngunit wala akong mga kuru-kuro. Ang mga taong may mga kuru-kuro ay karaniwan na matatalinong matatandang lobo, o kung hindi man ay mga teologo at ang mga Pariseo. Hindi ako ganoon.” Ano nga ba ang problema kung nagagawa nilang sabihin ang gayong bagay? Hindi nila kilala ang kanilang sarili. Kahit gaano pa ibahagi ang katotohanan, hindi nila ito ipinatutupad sa kanilang sarili, iniisip na hindi sila ganoon. Kamangmangan ito, at wala silang espirituwal na pang-unawa. Magagawa ba ninyong mag-isip sa ganitong paraan? Hindi ganoon mag-isip ang karamihan sa mga tao ngayon. Kapag marami nang nakain at nainom na mga salita ng Diyos ang isang tao at kaya na niyang unawain ang ilang katotohanan, makikita na niya nang malinaw na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at na ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon. Walang nakakahiya sa pagsusuri sa mga bagay na ito; dagdag pa rito, pagkatapos suriin ang mga ito, naniniwala silang makakatulong ito sa iba na magkaroon ng kakayahang makakilala, at sila mismo ay lalago, at mas madaling makakaunawa ng katotohanan. Dahil dito, nagagawa nilang lahat na bukas na suriin ang kanilang sarili. Ano ang layon ng pagsusuri ng mga kuru-kuro? Ito ay upang isantabi ang mga kuru-kurong ito, upang matugunan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at pagkatapos ay bigyang-kakayahan ang mga tao na magtuon sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, malaman kung paano makapasok sa landas ng kaligtasan, at malaman kung ano ang gagawin upang maisagawa ang katotohanan. Sa pamamagitan ng madalas na pagsasagawa sa ganitong paraan, nakakamit ang nilalayong epekto sa huli: Ang isang aspekto ay na mauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at makapagpapasakop sa Diyos, habang sa isa pang aspekto ay na magkakaroon sila ng kakayahang tanggihan at labanan ang maraming negatibong bagay, tulad ng masasamang kuru-kuro at imahinasyon, at mga bagay na nagmumula sa kaalaman. Kapag nahaharap sa isang relihiyosong intelektuwal, isang teologo, o relihiyosong pastor o elder, makikilatis mo sila sa pamamagitan nang pakikipag-usap sa kanila, at magagamit mo ang katotohanan upang pabulaanan ang kanilang napakaraming mga kuru-kuro, imahinasyon, erehiya, at kamalian. Ipinapakita nito na kaya mong makilala ang mga negatibong bagay, na nauunawaan mo na ang ilang katotohanan, na mayroon kang partikular na tayog, kaya hindi ka natatakot kapag nahaharap ka sa mga pinuno at kilalang tao sa mga relihiyon. Ang kaalaman, pag-aaral, at mga pilosopiya na pinag-uusapan nila—kahit ang lahat ng kanilang mga ideolohiya at teorya—ay hindi matatag, sapagkat nakilatis mo na ang mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, ng relihiyon, at hindi ka na malilihis ng mga bagay na iyon. Ngunit hindi pa ninyo ito naaabot. Kapag nakatagpo kayo ng mga manloloko sa relihiyon at Pariseo, o sinumang may mababang katayuan, kayo ay natatakot; alam ninyo na ang sinasabi nila ay mali, na binubuo ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon, na mula sa kaalaman, ngunit hindi ninyo alam kung paano ito tatanggihan, hindi ninyo alam kung saan magsisimulang suriin ito, o kung aling mga salita ang maglalantad sa mga taong ito. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin ninyo nauunawaan ang katotohanan? (Oo.) Kaya, dapat ninyong sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan at, kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan, masusuri na ninyo ang inyong sarili at malalaman na ninyo kung paano makilatis ang mga tao. Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan, malinaw na ninyong makikita ang ibang mga tao, ngunit kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, hindi ninyo sila malinaw na makikita. Upang maunawaan nang husto ang mga tao at bagay, dapat ninyong maunawaan ang katotohanan; kung wala ang katotohanan bilang pundasyon ninyo, bilang buhay ninyo, hindi ninyo mauunawaan nang husto ang anumang bagay.
Kapag nalutas na ng mga tao ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon, mayroon silang kaalaman at karanasan sa mga salita ng Diyos, at nakapasok na rin sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Sa proseso ng pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon na lumilitaw sa mga tao ay isa-isang nalulutas, at mayroong pagbabago sa kaalaman ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, kakanyahan ng Diyos, at iba’t ibang saloobing mayroon ang Diyos sa mga tao. Paano nagaganap ang pagbabagong ito? Nagaganap ito kapag isinasantabi ng mga tao ang iba’t ibang kuru-kuro at ang mga imahinasyon ng tao, kapag isinasantabi nila ang iba’t ibang ideya at pananaw na nagmula sa kaalaman, pilosopiya, tradisyonal na kultura o sa mundo, at sa halip ay tinatanggap ang iba’t ibang pananaw na nagmula sa Diyos at may kaugnayan sa katotohanan. Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, pumapasok din sila sa realidad ng mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang tratuhin at pag-isipan ang mga katanungan gamit ang katotohanan, at lutasin ang mga isyu gamit ang katotohanan. Kapag nalutas na ng mga tao ang iba’t iba nilang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, agad nilang mapapabuti ang kanilang ugnayan sa Diyos habang inihahanda naman ang kanilang daan tungo sa buhay pagpasok. Kapag nakakamit ng mga tao ang gayong mga pagbabago, ano ang nangyayari sa kanilang ugnayan sa Diyos? Nagiging isang ugnayan ito ng mga nilikha at ng Lumikha. Sa mga ugnayang nasa ganitong antas, walang kompetisyon, walang tukso, at walang masyadong paghihimagsik; mas mapagpasakop, maunawain, masambahin, tapat, at matapat ang mga tao sa Diyos, at tunay silang may takot sa Diyos. Ito ang pagbabagong dulot sa buhay ng mga tao kapag nalutas na nila ang kanilang mga kuru-kuro. Kung nakakamit ninyo ang ganitong uri ng pagbabago, payag na ba kayong lutasin ang inyong mga kuru-kuro? (Oo.) Ngunit ang paglutas ng mga kuru-kuro ng mga tao ay isang napakasakit na proseso. Dapat itatwa ng mga tao ang kanilang sarili, dapat nilang isantabi ang kanilang mga kuru-kuro, isantabi ang mga bagay na sa tingin nila ay tama, isantabi ang mga bagay na patuloy nilang hinahanap, isantabi ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang wasto at kanilang hinanap at hinahangad sa buong buhay nila. Nangangahulugan ito na dapat maghimagsik ang mga tao sa kanilang sarili, dapat nilang isantabi ang kaalaman, mga pilosopiya—maging ang paraan nila ng pag-iral—na natutuhan mula sa mundo ni Satanas, at palitan ang mga ito ng ibang paraan ng pamumuhay, na ang pundasyon at ang ugat ay ang katotohanan. Kaya dapat magtiis ng matinding pagdurusa ang mga tao. Ang pagdurusang ito ay maaaring hindi pisikal na karamdaman o paghihirap at kagipitan sa pang-araw-araw na buhay, ngunit maaaring magmula ito sa pagbabago sa lahat ng uri ng pananaw sa iba’t ibang mga bagay at sa sangkatauhan sa loob ng iyong puso, o maaari ring magmula ito sa pagbabago sa iba’t ibang aspeto ng kaalaman na mayroon ka tungkol sa Diyos, na nagbabaligtad ng iyon kaalaman at pananaw sa mundo, buhay ng tao, sangkatauhan, at maging sa Diyos.
Nagbahaginan tayo ngayon lang tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao ukol sa pananampalataya sa Diyos at nagbigay tayo ng ilang halimbawa nang sa gayon ay magkaroon kayo ng batayang konsepto tungkol sa aspektong ito ng katotohanan. Pagkatapos nito, maaari ninyo itong pagnilayang muli at sama-sama kayong magbahaginan tungkol dito, gumawa ng mga konklusyon, at unti-unting pagnilayan, unawain, at suriing mabuti ang iba’t ibang kuru-kuro ukol sa pananampalataya sa Diyos, bago ninyo lutasin ang mga ito nang hakbang-hakbang. Sa madaling salita, maraming imahinasyon at kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Halimbawa, tungkol man ito sa buhay, pag-aasawa, pamilya, o trabaho ng mga tao, sa sandaling may lumitaw na paghihirap, nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos at pagkatapos ay nagrereklamo at nanghuhusga sila sa Kanya, palaging iniisip sa kanilang puso na, “Bakit hindi ako pinoprotektahan o pinagpapala ng Diyos?” Kagaya lang ito ng palaging sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Hindi patas ang langit,” at “Bulag ang langit”; pero hindi aksidente lang na nangyayari ang mga bagay na ito. Kapag maginhawa at masaya ang buhay, hindi kailanman nagpapasalamat sa Diyos ang mga tao at maaaring itatwa pa nga nila ang Diyos at pagdudahan ang Kanyang pag-iral. Subalit kapag dumarating na ang sakuna, pinapananagot nila ang Diyos para dito, at nagsisimula silang humusga at lumapastangan sa Diyos. Iniisip pa nga ng ilang tao na hindi na nila kailangang matuto ng anuman o magtrabaho sa sandaling sumampalataya na sila sa Diyos, na ihahanda ng Diyos ang lahat para sa kanila pagdating ng oras, at na kung magkakaroon sila ng anumang paghihirap, maaari silang manalangin sa Diyos at maaari nilang ipagkatiwala ang bagay na ito sa Kanya at lulutasin Niya ito para sa kanila. Naniniwala sila na kung magkakasakit sila, pagagalingin sila ng Diyos, na kung darating ang sakuna, poprotektahan sila ng Diyos, na pagdating ng araw ng Diyos, magbabagong-anyo silang lahat, at na kung gagawa ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, magiging maayos lang ang lahat—mga imahinasyon at kuru-kuro ito ng mga tao. Para naman sa propesyonal na kaalamang may kaugnayan sa mga tungkuling dapat matutunan ng mga tao, dapat itong matutunan ng mga tao alinsunod sa kung ano ang kinakailangan para sa kanilang tungkulin; tinatawag itong pragmatismo at dedikasyon sa wastong gampanin ng isang tao, at hindi lang dapat mangarap at umasa ang isang tao sa kanyang imahinasyon. Kung ano ang hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao, iyon ang dapat gawin ng mga tao, iyon ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao. Hinding-hindi ito maaaring baguhin at dapat itong harapin nang maingat—nakaayon ito sa katotohanan at ito ang perspektibang dapat mayroon ang mga tao patungkol sa kanilang tungkulin. Hindi ito isang kuru-kuro, ito ang katotohanan at ito ang hinihingi ng Diyos. Maraming pagkakataon kung kailan ang mga bagay na ginagawa ng Diyos ay salungat sa mga imahinasyon ng mga tao. Kung maisasantabi ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, mahahanap ang mga layunin ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, malalampasan nila ang mga bagay na ito. Kung matigas ang ulo mo at mahigpit kang kumakapit sa iyong mga kuru-kuro, katumbas iyon ng hindi mo pagtanggap sa katotohanan, hindi pagtanggap sa mga bagay na tama, at hindi pagtanggap sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan o ang mga bagay na tama, hindi ba’t masasabing kumokontra ka sa Diyos? Ang katotohanan at ang mga positibong bagay ay mula sa Diyos. Kung hindi mo tatanggapin ang mga ito at sa halip ay kakapit ka sa iyong mga kuru-kuro, malinaw na kumokontra ka sa katotohanan. Dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao kaugnay sa pananampalataya sa Diyos. Ang natitira na lang ay ang gamitin ninyo ito sa inyong sarili batay sa mga prinsipyong ito at sa mga salitang pinagbahaginan natin ngayon dito. Ang mga kuru-kurong may kinalaman sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos ang pinakakaraniwan at pinakapangunahin sa tatlong uri ng mga kuru-kuro. Hindi naman talaga ganoon kalalim ang mga katotohanang kaugnay sa mga kuru-kurong ito, kaya naman madali lang dapat lutasin ang mga kuru-kurong ito.
Ngayon magbabahagi naman tayo sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao; marami ring kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao. Maraming imahinasyon ang mga tao kapag hindi pa nila nakitang nagkatawang-tao ang Diyos, hindi ba? Halimbawa, naniniwala sila na dapat maunawaan at makitang malinaw ng pagkakatawang-tao ang lahat ng bagay. Sa madaling salita, iniisip nilang dapat lubos na perpekto ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na masyado Siyang mabuti para sa kanila at hindi malalapitan. Kapag hindi pa nakikilala ng mga tao ang Diyos, ang mga imahinasyong ito ng mga tao ay mga kuru-kuro, at lumilitaw ang mga ito ayon sa ilang paghusga, o sa kaalaman, mga paniniwalang panrelihiyon, at tradisyunal na edukasyon sa kultura na mayroon ang mga tao. Kapag nakilala na nila ang Diyos, nagkakaroon ang mga tao ng mga bagong kuru-kuro: “Ganito pala ang hitsura ni Cristo. Ganito pala Siya magsalita at ganito pala ang Kanyang personalidad. Paanong iba Siya sa inakala ko? Hindi dapat ganito ang Diyos ko.” Sa katunayan, walang ideya ang mga tao at hindi nila maipaliwanag kung ano nga ba dapat ang Diyos. Habang patuloy na nagkakaroon ang mga tao ng mga kuru-kurong ito, patuloy rin nilang itinatatwa at pinupungusan ang kanilang sarili, naniniwalang mali na magkimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon, na ang mga bagay na ginagawa ng Diyos ay tama, pero hindi pa rin nila maunawaan ang mga ito. Patuloy pa ring lumalabas ang kanilang mga kuru-kuro at may labanan sa loob ng kanilang puso, habang iniisip na, “Tama ang mga ginagawa ng Diyos; hindi ako dapat magkimkim ng anumang kuru-kuro.” Pero hindi nila lubos na naisasantabi ang kanilang mga kuru-kuro at hindi pa rin sila kumbinsido, kaya naman walang kapayapaan sa kanilang puso. Iniisip nila, “Tao ba Siya o Diyos? Kung Siya ay Diyos, hindi Siya mukhang Diyos, at kung isa naman Siyang tao, magiging imposible para sa Kanya na makapagpahayag ng napakaraming katotohanan.” Naiipit sila rito. Gusto nilang maghanap ng ibang taong makakabahaginan pero nahihirapan silang pag-usapan ito, nangangambang baka pagtawanan sila o na sabihin ng iba na napakahangal nila, walang pananalig, o na baluktot ang kanilang pagkaunawa, kaya naman ang magagawa na lang nila ay pigilan ang nararamdaman nila. Sabagay, nakita man ng isang tao ang Diyos o hindi, hangga’t may namumuong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa kanilang puso, may problema nga sa kanilang pagkaunawa. Napakaraming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos at ibinabahagi Niya nang napakalinaw at maliwanag ang tungkol sa mga isyung ito nang sa gayon ay makumbinsi ang mga tao sa puso at sa salita. Kapag may kakayahan pa rin ang mga tao na bumuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa ganoong klaseng sitwasyon, hindi na ito ganoon kasimpleng problema. May mga kuru-kuro ang ilang tao dahil wala silang espirituwal na pang-unawa; may kuru-kuro ang ilang tao dahil sa kanilang baluktot na pagkaunawa; at bumubuo naman ng mga kuru-kuro ang ilang tao dahil hindi nila mahal ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan sa anumang paraan. Anuman ang kaso, hangga’t hindi nakaalinsunod ang mga paniniwala at ideya ng mga tao sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa diwa ng Diyos, at hinahadlangan ng mga ito ang mga tao sa pananampalataya sa Diyos, pagkilala sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos, o kaya naman ay nagsasanhi ang mga ito na magkaroon ang mga tao ng mga ideya at perspektibang kumukuwestiyon, nagdudulot ng maling pagkaunawa, nagtatatwa, at lumalaban sa Diyos, kung gayon, mga kuru-kuro ang lahat ng ito, at sumasalungat ang lahat ng ito sa katotohanan.
Kasunod, gagamit Ako ng ilang konkretong halimbawa para ibahagi sa inyo. Maaaring marami sa inyo ang nakarinig na ng mga kuwento tungkol sa Akin. Noong una kang magsimulang sumampalataya sa Diyos o masumpungan ang iyong sarili sa isang partikular na sitwasyon, baka may nakapagsabi sa iyo ng ilang kuwento na nakapagpaantig sa iyong puso o nakapagpaluha sa iyo. Halimbawa, may nagsabi na, minsan noong Bagong Taon, nag-uwian ang lahat para ipagdiwang ang Bagong Taon sa kani-kanilang tahanan habang naglalakad namang mag-isa sa lansangan si Cristo, sinasagupa ang hangin at niyebe, nang walang bahay na mauuwian. Pagkarinig sa kuwentong ito, naantig nang husto ang ilang tao at sinabing, “Mahirap talaga para sa Diyos na pumarito at manahan sa mundo! Napakatiwali ng sangkatauhan at itinatakwil nilang lahat ang Diyos, at iyon ang dahilan kung bakit nagdurusa ang Diyos nang ganito. Totoo nga yata ang sinabi ng Diyos, na ‘May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo.’ Nagkatotoo ang mga salitang ito. Napakadakila ng Diyos!” Naniniwala silang ang kadakilaan ng Diyos ay nagmula sa kuwentong ito, at ito ang naisip nilang konklusyon buhat sa kuwentong ito. Habang napapaluha kayo matapos pakinggan ang kuwentong ito, hindi ba kayo nagtaka kung bakit gusto ng mga tao na makinig sa mga ganitong kuwento? Bakit sila naaantig ng gayong mga kuwento? May partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa laman ng Diyos, mayroon silang partikular na hinihingi sa Kanyang katawang-laman, at mayroon silang partikular na pamantayan sa pagsukat ng Kanyang laman. Ano ang kuru-kurong ito? Ito ay na kung paparito ang Diyos sa nagkatawang-taong laman, dapat Siyang magdusa. Sabi ng Diyos, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo” Kung hindi nagkatotoo ang mga salitang ito, kung hindi ganito ang naging kondisyon ng buhay ng Anak ng tao, at hindi Siya nahirapan nang ganito, sa halip ay nagtamasa Siya ng kaligayahan, kung gayon, hindi Siya hahangaan ng mga tao at hindi sila makakaramdam ng motibasyon, at hindi nila gugustuhing gampanan ang kanilang tungkulin at hindi sila papayag na magdusa kahit kaunti. Naniniwala ang mga tao na dapat magdusa ang Diyos, at sa pamamagitan lamang ng pagdurusa maaaring maging ehemplo Siya at huwaran para sa sangkatauhan. Naniniwala silang, kapag pumarito ang Diyos sa mundo, hindi Siya maaaring magtamasa ng malaking kayamanan at mataas na ranggo—ang mga bagay na iyon ay para sa mundo. Naparito ang Diyos sa mundo para talaga magdusa, at pagkatapos Niyang magdusa, saka Niya mapapatahimik ang sangkatauhan, at mapapaantig ang kanilang puso sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at hahangaan Siya ng mga ito, bago sila sumunod sa Kanya. Nagkikimkim ng ganitong uri ng kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, dahilan kung bakit naiuugnay nila ang kanilang sarili sa mga kuwentong tulad nito at madali nilang natatanggap ang mga ito. Gusto ba ninyong malaman kung totoo ba ang kuwentong ito? Umaasa ba kayong totoo ito o na hindi ito totoo? Nahihirapan ba kayong sagutin ito? Kung totoo nga ito, mapapatunayan ng mga tao na nakaayon nga ito sa sarili nilang mga kuru-kuro; kung hindi naman ito totoo, masisira ba niyon ang magiting na halimbawa sa kaibuturan ng inyong puso? Maaapektuhan ba kayo nito? Magiging isang dagok ba ito sa inyo? Ang totoo, hindi mahalaga kung totoo ito o hindi. Ano ang mahalaga? Ang pagsusuri sa mga kuru-kuro ng mga tao. May kuru-kuro at pamantayan ang lahat ng tao na kung saan sinusukat nila ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang buhay, ang kapaligirang ginagalawan Niya, ang kalidad ng Kanyang buhay, at ang Kanyang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon, at ang kuru-kurong nilang ito ay na, ngayong naparito na ang Diyos, dapat Siyang magdusa. Bukod dito, sa puso ng mga tao, siguradong maimpluwensiya si Cristo at karapat-dapat na sambahin, hangaan, at dakilain: Dapat makabasa Siya nang sobrang bilis at hindi Niya dapat makalimutan kailanman ang anumang bagay na nakita na ng Kanyang mga mata, dapat mayroon Siyang mga pambihirang abilidad na hindi kayang abutin ng mga normal na tao, at dapat makagawa rin Siya ng mga tanda at kababalaghan, na magiging dahilan para maging karapat-dapat Siyang sundin at karapat-dapat sa titulong “ang makapangyarihan na Diyos.” Kung matutupad sa totoong buhay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, magiging masiglang-masigla sila at may tiwala sa kanilang pananalig. Kung ang mga bagay na talagang nangyayari ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, gaya ng makita nilang tinutugis pa rin si Cristo ng mga naghahari-hariang awtoridad, naiisip ng mga tao na, “Pinagdurusahan pa rin ng Diyos ang pasakit sa pagkatugis—hindi ito ang bayani at Tagapagligtas na inaasahan ko!” At pagkatapos ay iisipin nila na hindi karapat-dapat na panaligan ang Diyos. Hindi ba’t dulot ito ng kanilang mga kuru-kuro? Paano nagkakaroon ng mga kuru-kurong ito? Ang isang aspekto ay na lumilitaw ang mga ito mula sa mga imahinasyon ng mga tao, habang ang isa pang aspekto ay na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng mga imahe ng mga sikat at dakilang tao, na nagiging dahilan para makabuo sila ng mga maling depinisyon tungkol sa Diyos. Naniniwala ang mga tao na simple lang ang buhay ng mga sikat at dakilang tao, na para sa kanila ang isang sepilyo ay maaaring tumagal nang 20 hanggang 30 taon, at ang isang damit ay maaaring ipaayos at maaari pa ngang suotin habambuhay. Kumakain ang ilang sikat at dakilang tao nang walang nasasayang, dinidilaan pa nga ang kanilang mangkok para simutin itong mabuti pagkatapos kumain, at dinadampot at kinakain ang anumang butil ng nalaglag na pagkain, kaya naman nakakabuo ng kakaibang impresyon ang mga tao sa kanilang puso tungkol sa mga dakilang taong ito, at ginagamit nila ang gayong mga impresyon para sukatin ang Diyos na nagkatawang-tao. Kung hindi tugma sa kanilang mga impresyon ang Diyos na nagkatawang-tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, pero kung tugma naman sa kanilang mga impresyon ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro. Nakaayon ba sa katotohanan na ikumpara ng mga tao si Cristo sa mga bagay na ito? Nakaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa ng mga sikat at dakilang tao? Ang kanila bang mga kalikasang diwa ay katulad ng sa mga santo? Sa katunayan, mga demonyo at haring diyablo lahat ang mga sikat at dakilang taong ito, at wala kahit isa man sa kanila ang may diwa ng normal na pagkatao. Kahit na mukhang may mabubuti silang nagawa kapag ginagamit ang mga kuru-kuro ng tao sa pagsukat sa kanila, kung ang pag-uusapan ay ang kanilang mga kalikasang diwa at kilos, mga diyablo at Satanas silang lahat sa diwa. Ang ikumpara ang imahe ng mga diyablo at Satanas sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Palaging napakahusay ng mga Satanas at ng mga diyablo sa pagbabalatkayo. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila sa panlabas ay umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at ang mga sinasabi lamang nila ay ang mga bagay na masarap-pakinggan. Ngunit ang binabalak nila sa kanilang puso at ang ginagawa nila sa likod ng mga eksena ay pawang nakakahiya at maladiyablong bagay, at kung walang maglalantad sa kanila, walang makakaarok sa mga ito. Lahat ng sinasalita ni Satanas at ng mga diyablong hari ay paimbabaw at mapanlihis, at makikita ito nang malinaw ng ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Palaging ikinukumpara ng ilang tao ang imahe ng mga diyablo at dakilang tao sa Diyos na nagkatawang-tao, at kapag walang pagkakatugma, hindi sila mapakali, bumubuo sila ng mga kuru-kuro at hindi nila kailanman binibitiwan ang mga ito. Marami bang taong ganito? Siguradong marami sila. Nag-aalala pa rin ang ilang tao kung totoo ba o hindi ang kuwentong isinalaysay Ko ngayon-ngayon lang. Noong una Kong marinig ang tungkol dito, naguluhan Ako na Ako, ang mismong sangkot, ay hindi alam kung ano nga ba ang nangyari sa Akin. Isa itong malaking biro at malaking kasinungalingan. Hindi ito totoo. Sa ganoong sitwasyon, bagamat hindi maraming kapatid ang tumanggap sa yugtong ito ng bagong gawain, may ilang tao pa ring tumanggap dito nang unang bigkasin ng Diyos ang Kanyang mga salita. Higit pa rito, mga mananampalataya silang lahat kay Jesus na naparito para tanggapin ang yugtong ito ng gawain. Handa silang lahat na magpakita ng pagmamahal at talagang hinding-hindi nila kayang isara ang pinto sa harap ni Cristo; tiyak na hinding-hindi nila magagawa iyon. Noong Bagong Taon, inimbitahan Ako ng ilang tao sa kanilang mga tahanan. At saka, sa dami ng mga kapatid na iyon, kanino nga bang bahay Ako mapupunta na hindi Ako patutuluyin? Sa pagsasabi niyon, para bang nagiging mapaghimagsik ang mga kapatid at na walang kahit sinong magpapatuloy sa Akin kahit saan. Isa itong pagtatangka na akusahan ang mga kapatid at magpakalat ng mga tsismis tungkol sa kanila! Wala talagang basehan ang lahat ng ito at malinaw na inimbento lang ito ng ilang partikular na tao na may mga lihim na motibo, pero pinaniwalaan pa rin talaga ninyo ito. Paano ninyo nagagawang paniwalaan pa rin ito? Ito ay dahil may mga partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao, at mayroon silang ganitong mga hinihingi kung ang pag-uusapan ay ang kanilang mga damdamin, pagnanais, at sikolohikal na kabuuan, kaya naman handa silang makinig sa gayong mga kuwento. Sinamantala ng ilang tao ang pagkakataong ito para imbentuhin ang mga kuwentong ito at pagkatapos ay ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipakalat at ipamahagi ang mga ito, pagandahin ang mga ito, at gumawa ng mga konklusyon at umimbento ng mga bagay-bagay. Sa huli, parami nang parami ang mga taong nakikinig sa kanilang sa mga imbento at itinuturing na totoo ang mga bagay na ito. Kung hindi Ko pa nilinaw ang bagay na ito, hinding-hindi ninyo matutukoy kung ano ang tama sa mali sa inyong buong buhay. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Hindi talaga ito kailanman nangyari.
Sasabihin Ko sa inyo ang ilang bagay ngayon nang sa gayon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, maunawaan ninyo kung anong mga kuru-kuro ang mayroon tungkol sa pagkakatawang-tao at kay Cristo. Noong kauumpisa lang ng yugtong ito ng bagong gawain ng Diyos, kinailangan ng iglesia na magsulat ng ilang himno, at nagsulat din Ako ng isa. Noong panahong iyon, nabigyan na ng patotoo ang Diyos na nagkatawang-tao. Pagkatapos nilang mabasa ang Aking himno, inisip ng ilang tao na maganda ito, pero may isang tao na may sinabing kakaiba: “Paano Mo naisulat ang himnong ito nang ganoon kabilis? Paano Ka nakaisip ng ganoon karaming salita?” Pagkarinig nito, naguluhan ako nang husto, at napaisip, “Kailangan ba ng isang tao ng maraming salita para makasulat ng isang awit? Kailangan ba ng isang tao na maging maalam? Kung gayon, ano ba sa tingin niya ang lahat ng salitang iyon na ipinahayag Ko?” Mayroon siyang kuru-kuro, isang ideya, naniniwalang mga salita at artikulo lang ang mga salitang ito na ipinapahayag ng pagkakatawang-tao—hindi niya naisip, ni hindi niya naunawaan na ang mga salitang ito ay ang katotohanan. Napakalabo para sa kanya ng lahat ng ginawa ng pagkakatawang-tao. Dahil hindi niya naunawaan ang katotohanan, ginamit niya ang mga salita ng mga walang pananampalataya para ipaliwanag ang mga ito, at nakaramdam ng pagkabalisa at pagkasuklam ang mga tao nang marinig ito. Walang espirituwal na pang-unawa ang taong ito at may mga taong tulad nito magpasahanggang ngayon. Kaya, sa anong uri ng mga kuru-kuro may kaugnayan ang bagay na ito? Hindi itinatwa ng taong ito ang pagkakatawang-tao o itinatwa si Cristo; gumamit siya ng kuru-kuro para sukatin kung ano ang nangyari. Naniwala siyang dapat maraming nalalaman at may-pinag-aralan si Cristo at na, kapag kasama Niya ang ibang mga tao, dapat magawa Niyang kumbinsihin sila nang lubos. Kahit pa hindi gaanong edukado si Cristo, dapat mas magaling ang Kanyang kakayahan, mga talento, at abilidad kaysa sa iba, ibig sabihin, dapat mas mahusay Siya kaysa sa ibang tao sa ilang partikular na bagay o naiiba sa ilang partikular na paraan upang maging karapat-dapat sa pagiging Diyos at Cristo. Naniwala ang taong ito na maaaring maging Cristo si Cristo kung kwalipikado si Cristo. Hindi siya naniwala na maaari lamang maging Cristo si Cristo kung taglay ni Cristo ang diwa ni Cristo, at kaya niya sinabi ang gayong bagay. Anong mga balakid ang idinudulot ng ganitong uri ng kuru-kuro sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos at sa kanilang buhay pagpasok? Gagamitin ng mga tao ang kanilang utak para suriin ang mga salita ng Diyos at para suriin at pag-aralan ang katawang-tao ng Diyos, at palagi nila Siyang pinag-aaralan at iniisip na, “Lohikal ba ang sinasabi ng taong ito? Umaayon ba ito sa normal na pag-iisip? Nakaayon ba ito sa mga tuntunin ng gramatika? Saan Niya natutunan ito?” Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi nila naaarok ang mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng pagtanggap sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang kanilang utak at kaalaman para magsuri, mag-aral, at magtanong. Kahit ano pang mga pananaw o kuru-kuro ang gamitin ng mga tao para sukatin ang taong ito o harapin ang taong ito, ano ang huling resulta? (Hindi nila makakamit ang katotohanan.) Tiyak na hindi nila makakamit ang katotohanan. May isa pang aspekto ang hindi mo naunawaan, at iyon ay na hindi matitiyak ng mga tao kung Siya ba ang pagkakatawang-tao o hindi—hindi ba’t napakahalaga nito? (Oo.) Natitiyak ng maraming tao na Siya nga ang Diyos, na ang Kanyang mga salita ang katotohanan at ang buhay at nagmumula ang mga ito sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermong ibinibigay Niya at ilang hiwagang ibinubunyag Niya. Ngunit kung laging pinag-aaralan ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kuru-kuro at hindi kailanman tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, kung gayon, ano ang huling resulta? Palagi nilang kukuwestiyunin ang pagkakakilanlan at diwa ng taong ito at ang Kanyang gawain, ibig sabihin, hindi nila mabeberipika kung tao ba o Diyos ang taong ito, iniisip na marahil ang taong ito ay isang sugong ipinadala ng Diyos, o marahil isang propeta, dahil hindi magagawa ng mga tao na sabihin ang mga bagay na sinasabi Niya. Hindi kinikilala ng ilang tao na Diyos ang taong ito, dahil sa loob-loob nila, maraming restriksiyon at tanikala at maraming kuru-kuro ang hindi tumutugma sa laman na ito. Kapag hindi magkatugma ang mga ito, hindi hinahanap ng mga taong ito ang katotohanan, bagkus patuloy silang kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro, kaya naman naiipit sila. Kapag pinagsabihan mo ang ganitong tao na magsikap sa kanyang pananalig, nagkikimkim siya ng maraming kuru-kuro na hindi niya mabitiwan, at kapag sinabi mo kanya na umalis, nangangamba siyang hindi na siya pagpapalain. May mga tao bang ganito? Ganito ba kayo? Bagamat kinumpirma ng karamihan sa inyo na ang taong ito ay talaga ngang Diyos na nagkatawang-tao, ang totoo kinukumpirma ninyo ito nang 80 o 90 porsiyento lang, at mayroon pa ring 10 o 20 porsiyentong pagdududa at pag-uusisa. Masasabing kinumpirma nga ninyo ito, habang ang natitirang pagdududa at pag-uusisang iyon ay hindi gaanong mga apurahang isyu. Ang paglutas sa mga kuru-kurong ito ay abot-kamay, pero maaari itong magdulot ng malaking problema kung hindi malulutas ang mga kuru-kuro at katanungang ito sa tamang panahon. Pagdating naman sa mga kuru-kuro ninyo, paano Ko ba dapat kayo tratuhin para masiyahan kayo, para maisip ninyo na ang Diyos ang may gawa nito at ganito dapat tratuhin ng Diyos ang mga tao? Dapat ba Akong magsalita nang mahinahon at pagkatapos ay mag-alala para sa inyo at magmalasakit sa inyo sa lahat ng bagay? Kung isang araw masumpungan Ko na may ginawang kalokohan ang ilan sa inyo, at pinagsasabihan Ko kayo, inilalantad at hinahatulan kayo nang marahas, at sinisira ang tiwala ninyo sa sarili, mararamdaman ba ninyo na parang hindi Ako Diyos? Naniniwala kayong napakabanayad ng Diyos, napakamapagmahal, at na ang Diyos ay punung-puno ng mapagmahal na kabaitan, ano kung gayon ang magagawa Ko para Ako ay maging Diyos ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Kung hinihingan pa rin ninyo ngayon ang Diyos ng mga gayong bagay, wala kayong anumang katwiran at hindi talaga ninyo kilala ang Diyos.
Sasabihin Ko sa inyo ang isa pang bagay tungkol sa mga kuru-kuro na may kinalaman sa pagkakatawang-tao. Dalawampung taon na ang nakalipas, noong nasa Tsina Ako, wala pa Akong 20 taong gulang noon at, sa edad na iyon, wala pang gaanong karanasan at hindi pa bihasa ang mga tao sa kanilang pananalita at mga kilos; para silang mga bata pa kung magsalita at kumilos at normal lang ito. Kung nagsalita at kumilos silang gaya ng mga matatanda, hindi magiging normal iyon. Normal para sa mga tao sa anumang edad na maging kagaya ng mga taong kaedad nila. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inorden para sa tao ang isang normal na proseso ng paglaki. Siyempre, kasama rito ang Diyos Mismo sa laman, at namumuhay rin Siya at nararanasan ang buhay ayon sa prosesong ito. Galing sa Diyos ang prosesong ito, at hindi ito lalabagin ng Diyos. Samakatuwid, bago umabot ang Diyos na nagkatawang-tao sa edad na 20, ang ilang partikular na pag-uugali Niya ay tiyak na katulad ng sa isang kabataan. Halimbawa, noong minsang naglilipat ng bahay, naiwan ng ilang kapatid ang ilang bolpen at kuwaderno pagkatapos lumipat. Naisip Ko na sayang naman kung mawawala ang mga ito, at kailangan din naman ng mga kapatid na magtala, kaya kinuha Ko ang mga ito at ipinamigay ang mga ito sa ilang sister. May isang bumuo ng kuru-kuro at nagsabing, “Sinumang gustong magkaroon ng mga bagay na ito ay maaaring pumarito at kunin nila mismo ang mga ito. Para Kang bata kung kumilos, ipinamimigay Mo pa ang mga ito!” Ito ang sinabi niya. Malaking bagay ba ito o maliit lang? Kung huhusgahan ng isang tao na parang batang kumilos ang isang normal na tao, magiging normal lang na gawin iyon, magiging isang kasabihan ito, at walang makikinig o magseseryoso rito; hindi rin iisipin ninuman na isa palang kuru-kuro o perspektiba ang kasabihang ito, kundi tatanggapin na lamang ito kung ano ito. Pero ano ang kanyang pamamaraan sa pagsasabi nito sa Akin? Ano ang kalikasan nito? Sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, kahit na hindi pa umabot sa 20 taong gulang ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat pa rin Siyang kumilos gaya ng isang matanda, umupo nang tahimik araw-araw na diretsong nakatitig ang mga mata, magmukhang isang matalino, at bihasang matanda na hindi kailanman nagbibiro o sumasatsat, at talagang matatag at kalmado. Sa sandaling umasta Ako o gumawa ng anumang bagay na kontra sa maaaring gawin ng isang matanda, gaya ng pamimigay Ko ng mga bolpen at kuwaderno sa ilang sister, may kokondena sa Aking mga kilos at ituturing ang mga iyon na parang sa isang bata, hindi katulad ng kay Cristo, at hindi katulad ng Diyos na nasa isipan nila, dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi dapat umasta sa anumang paraan na parang isang bata. Hindi ba’t iyon ay ang pagtukoy nila sa Diyos na nagkatawang-tao? Isang uri ba ng pagkondena at paghusga ang ganitong uri ng pagtukoy, o isang uri ng pagpapahalaga at paninindigan? (Ito ay pagkondena at paghusga.) Bakit isa itong uri ng pagkondena? Maaari kaya na sa pagsasabi niya na parang isang bata ang Diyos na nagkatawang-tao, itinatatwa niya ang Diyos? Ano ang mali sa pagsasabi niya nito? Ano ang pinakapangunahing isyu sa pagbuo niya ng mga kuru-kurong ito? (Itinatatwa niya ang normal na pagkatao ng nagkatawang-tao at itinatatwa ang normalidad at praktikalidad ng Diyos. Katulad ito ng sinabi ng Diyos ngayon lang, na ang pagkakatawang-tao ay gaya lamang ng mga nilikhang sangkatauhan, na may normal na proseso ng paglaki. Subalit itinuring ng taong iyon na talagang supernatural ang Diyos kaya hindi niya naunawaan ang pagkakatawang-tao. Ang kalikasan nito ay pagtatatwa at pagkondena sa Diyos, at ito ay kalapastanganan.) Tama iyan, ang kanyang pagtatatwa ang diwa ng problema. Bakit niya itinatwa ang Diyos na nagkatawang-tao sa ganitong paraan? Ito ay dahil nagkimkim siya sa kanyang puso ng kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, iniisip na, “Diyos Ka, kaya hindi Mo maaaring ibunyag ang Iyong normal na pagkatao nang ayon sa normal na pagtanda. Wala Ka pang 20 pero dapat nasa hustong gulang at may-karanasan Ka na gaya ng sa 50 taong gulang. Ikaw ay Diyos, kaya dapat Kang mamuhay nang labag sa proseso ng paglaki ng normal na sangkatauhan. Dapat supernatural Ka, dapat naiiba Ka sa lahat, saka Ka lamang maaaring maging Cristo at ang Diyos na nasa isipan namin.” Ito ang kuru-kurong mayroon siya. At ano ang ibinunga ng kuru-kurong ito? Nabunyag kaya ang kanyang kuru-kuro kung hindi nangyari ang bagay na ito? Walang nakakaalam; nabunyag lang talaga siya sa pamamagitan ng bagay na ito. Kung nagkaroon nga siya ng kuru-kuro tungkol sa bagay na ito, pero naisip niya na hindi lubusang naunawaan ng mga tao kung ano ang nagawa ng Diyos, at hindi sana siya nagsalita nang padalos-dalos, nagkaroon sana siya ng puwang para maghanap, at mapapatawad sana ito. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at maraming bagay ang hindi nila kayang ganap na maunawaan. Subalit, kahit na hindi ganap na nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, nanghuhusga at nagkokondena ang ilang tao, habang ang iba ay hindi nagsasalita nang padalos-dalos at sa halip ay naghihintay at naghahanap sa katotohanan—hindi ba’t may pagkakaiba rito sa kalikasan? (Oo.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng kabiguan ng taong ito na lubusang makaunawa? Dumiretso kaagad siya sa pagkondena, at ito ay isang malubhang problema. Sa sandaling bumuo ng mga kuru-kuro ang mga tao, lumilitaw sa kanila ang pagdududa at maging ang pagkondena at pagtatwa sa Diyos na nagkatawang-tao, at ito ay lubhang seryoso.
Kabibigay Ko lang ng tatlong halimbawa ng mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao. Nagpapakita ang tatlong halimbawang ito ng mga partikular na isyu, at dapat mong alamin kung ano ang katotohanan sa mga ito. Ano ang unang kuru-kuro? (Nililimitahan ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang kanilang mga depinisyon sa mga dakilang tao, naniniwalang dapat magdusa ang Diyos para maging isang huwaran para sa sangkatauhan.) Isang kuru-kuro ito ng mga tao. Ang kuru-kuro nila ay na dapat higit na magdusa ang Diyos na nagkatawang-tao at maging isang ehemplo, isang huwaran, para sa sangkatauhan. Ano ang pangalawang kuru-kuro? (Naniniwala ang mga tao na dapat maraming alam at edukado si Cristo, higit kaysa sa mga ordinaryong tao, at saka lamang Siya magiging Cristo.) Maraming tao ngayon ang patuloy na naniniwala na ang mga pagbigkas at ang gawain ng Diyos ay mula sa Kanyang kaalaman at mga kaloob, o mula sa mga partikular na bagay na Kanyang pinagkadalubhasaan at naunawaan—isa itong kuru-kuro. At ano naman ang pangatlong kuru-kuro? (Naniniwala ang mga tao na hindi dapat magkaroon si Cristo ng anumang pagpapakita ng normal na pagkatao.) Sa mas tiyak na salita, ito ay na supernatural dapat ang Diyos na nagkatawang-tao at dapat naiiba Siya sa lahat at mayroon Siyang mga supernatural na abilidad. Kung ordinaryo at normal si Cristo sa lahat ng bagay, magiging mahina ang pananalig ng mga tao sa Diyos, at pagdududahan nila ang Diyos at itatatwa pa nga Siya—ang supernatural na Diyos ang gustong-gusto ng lahat. Kapaki-pakinabang ba sa inyong pagkaunawa sa katotohanan na sabihin Ko sa inyo ang mga kuwentong ito? (Oo.) Makakatulong dapat ito. Marahil iisipin ninyong haka-haka lang ito kung ibabahagi Ko sa inyo ang aspektong ito ng katotohanan nang walang anumang makatunayang basehan, at hindi ninyo malalaman kung ano talaga ang tinutukoy nito. Ngunit ang mga sinabi Ko sa inyo ay ilang kongkretong halimbawa at, matapos marinig ang mga ito, iniisip ninyong praktikal at madaling maunawaan ang mga ito, at sa pamamagitan ng mga kuwentong ito ay nauunawaan ninyo ang ilang katotohanan. Pero natututuhan ba ninyo kung paano gamitin ang katotohanan para sukatin at harapin ang ibang bagay kapag nahaharap kayo sa mga ito? Kung nagagawa ninyong gamitin ang katotohanan, ipinapakita niyon na mayroon kayong espirituwal na pang-unawa at nauunawaan ninyo ang katotohanan sa mga kuwentong ito; kung hindi, wala kayong espirituwal na pang-unawa at hindi ninyo naunawaan ang katotohanan sa mga kuwentong ito. Kung sa mga pangyayari ng mga kuwentong ito ay matutuklasan mo ang katotohanan ng mga ito, malalaman kung ano ang mga layunin ng Diyos, malalaman kung ano ang dapat mong maunawaan, suriin, at pasukin, at kung anong mga katotohanan ang dapat mong hanapin at kamtin, kung gayon ay mayroon kang espirituwal na pang-unawa; kung, pagkatapos Kong ikuwento ang mga ito, lubos kang nagiging interesado sa mga bagay na ito at tinatandaan mo ang mga ito, pero isinasantabi mo naman ang katotohanan, kung gayon ay wala kang espirituwal na pang-unawa. Kung tunay na kaya ninyong maunawaan ang katotohanan ng mga kuwentong ito, hindi magiging walang saysay ang pagkuwento Ko tungkol sa mga ito. Hangga’t nakakatulong ito para maunawaan ninyo ang katotohanan, magbibigay Ako ng ilang praktikal na halimbawa. Kahit ano pa ang isyu, susuriin Ko ito; hangga’t nakakatulong ito para magkaroon kayo ng pagkaunawa at para maunawaan ninyo ang katotohanan at makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, ayos lang sa Akin kahit ilan pa ang ikuwento Ko. Ang totoo, ayaw Kong sabihin sa inyo ang mga bagay na ito, at ayaw Ko talagang magkuwento sa inyo tungkol sa tama at mali, pero kung makakatulong sa inyo ang mga bagay na ito para makapasok sa katotohanan, ikukuwento Ko sa inyo ang mga ito; hangga’t nakakatulong ito sa inyo na maunawaan ang katotohanan, ayos lang sa Akin na magsalita pa nang kaunti. Ngunit kung ayaw ninyong magpatuloy Ako sa pagkukuwento, wala Akong magagawa kundi bawasan ang Aking pagsasalita.
Anong mga kuru-kuro ang dapat malutas mula sa mga kuwentong ito na isinalaysay Ko? Dapat muna ninyong maunawaan, pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, paano ba talaga binibigyang-kahulugan ng Diyos ang pagkatao ng laman na ito? Siya ay ordinaryo at normal at kayang mamuhay kasama ng tiwaling sangkatauhan at makilahok sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao, at hindi Siya ibang uri. Kaya Niyang tulungan, gabayan, at akayin ang mga tao. Normal na pagkatao man Niya ito o ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang personalidad—anuman ang aspekto—dapat tiyak na mapangangasiwaan Niya ang gawaing isinasagawa Niya at ang ministeryong ginagampanan Niya. Ito ang pamantayan ng kung paano sinusukat ng Diyos si Cristo at ang pagkakatawang-tao; isa itong pamantayan para sa Kanyang gawain, at pamantayan para sa Kanyang depinisyon. Nang gampanan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, nagtaglay ang Kanyang pagkatao ng ilang supernatural na aspekto kung ikukumpara sa pagkakatawang-tao ngayon. Kaya Niyang gumawa ng mga himala: Kaya niyang sumpain ang puno ng igos, sawayin ang dagat, pakalmahin ang dagat at hangin, pagalingin ang may sakit at palayasin ang mga demonyo, at pakainin ang limang libong tao ng limang tinapay at dalawang isda, at iba pa. Bukod pa rito, mukhang napakanormal at napakapraktikal naman ng Kanyang normal na pagkatao at mga pangunahing pangangailangan. Hindi Siya ipinanganak na 33 at kalahating taong gulang na at pagkatapos ay ipinako sa krus. Umabot Siya ng 33 at kalahating taong gulang, at namuhay Siya sa bawat araw, bawat taon, bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay, hanggang sa Siya ay ipinako sa krus at sa gayon nakumpleto Niya ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakumpleto lang ng pagkakatawang-tao ang gawaing ito matapos mamuhay nang 33 at kalahating taon sa mundong ito—hindi ba’t praktikal ito? (Oo, praktikal.) Praktikal ito. Para naman sa yugto ng gawaing ginagampanan ng Diyos ngayon, lahat ng sinasabi Niya sa inyo at ang bawat katotohanang ibinabahagi Niya ay nakabatay sa inyong tayog, sa inyong antas ng paglago sa buhay, at sa kabuuang kapaligirang isinaayos ng Diyos, kaya naman pinagninilay-nilayan Ko kung aling mga katotohanan ang magiging pinakaangkop na ibahagi sa inyo at kung aling mga katotohanan ang gusto Kong maunawaan ninyo. Sa panlabas, para bang pinagninilay-nilayan ng laman na ito ang mga bagay na ito, pero ang totoo, kasabay na kumikilos ang Espiritu ng Diyos; habang nakikipag-ugnayan ang taong ito, ginagabayan itong lahat ng Espiritu ng Diyos. Kung titingnan mo ito sa ganitong paraan, hindi mo pagdududahan ang diwa ng laman na ito o ang Kanyang pagkakakilanlan—hindi mo kailanman kukuwestiyunin ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na ginagawa Ko kasama ninyo at ang mga hinihingi Ko sa inyo ay hindi kailanman maaaring kumontra sa kabuuang plano ng pamamahala ng Espiritu ng Diyos. Magkasamang sumusulong ang mga ito, parehong papunta sa iisang direksiyon, at sumusuporta sa isa’t isa. Kung hindi isinuot ng Espiritu ng Diyos ang laman na ito, hindi Siya makakapagsalita sa inyo nang harapan, hindi ninyo maririnig kung ano ang sinabi Niya, at hindi ninyo mauunawaan kung ano ang hinihingi Niya sa inyo. Gayunpaman, kung mayroon lamang ganitong laman at ang Espiritu ng Diyos ay wala sa Kanya, makagagawa ba ng anumang gawain ang laman na ito? Tiyak na wala Siyang magagawa. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, walang taong makagagawa ng gawaing ito. Samakatuwid, kailangan ng normal na laman na ito na mamuhay araw-araw, buwan-buwan, at taon-taon, namumuhay sa bawat sandali sa ganitong paraan, lalong lumalago ang Kanyang pagkatao, lalong nadaragdagan ang Kanyang karanasan, habang patuloy na pinagsisikapang magawa ang gawaing hinihingi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa paggampan sa yugtong ito ng gawain, sinimulan Kong magtrabaho sa iglesia noong wala pa Akong 20 taong gulang at nakasalamuha Ko ang mga kapatid. Nagsimula na Akong dumalo sa mga pagtitipon, magbahagi, at maglibot sa mga iglesia, at nakasalamuha Ko ang iba’t ibang uri ng mga tao. Mula noong panahong iyon hanggang ngayon, pakiramdam Ko ay patuloy na lumalago ang Aking abilidad sa wika at ang Aking abilidad para tingnan ang mga tao at ang mga bagay-bagay. Paano naiiba sa inyong mga sitwasyon ang paglagong ito sa Aking mga abilidad? Kailangan ninyong makaranas sa pamamagitan ng mga salitang sinasalita Ko at ng mga katotohanang ibinabahagi Ko at, habang dumaranas kayo, unti-unti kayong makakatiyak na ang mga salitang sinasalita Ko ay mula sa Diyos, katotohanan ang mga ito, tama ang mga ito, at ang mga salitang ito ay makakatulong sa inyo na magkamit ng pagbabago sa disposisyon at magtamo ng kaligtasan. Sa panig Ko naman, habang umuusad kayo, lalo namang lumalalim ang paglago Ko. Habang patuloy na lumalago ang Aking pagkaunawa sa inyo, patuloy Ko ring paisa-isang itinutustos sa inyong mga pangangailangan ang mga bagay na gusto Kong sabihin. Sinasabi ng ilang tao na, “Gusto Mong tustusan ang aming mga pangangailangan, para unti-unting lumago ang aming tayog, para magawa naming magbago at mas lalong umusad sa landas ng kaligtasan, at para lalong maging malapit ang aming ugnayan sa Diyos, kaya, paano Mo gagawin iyon?” Hindi ninyo kailangang mag-alala tungkol dito. Hindi Ako kailanman humihingi ng kahit ano, ni hindi Ko kailangang mag-ayuno o manalangin, o humingi ng kahit ano na para bang nananalangin para umulan, nang sa gayon bigyan kaagad Ako ng Diyos ng ilang salitang itutustos sa inyo. Hindi Ko kailangang gawin iyon. Dahil ang laman na ito ay ang Diyos Mismo at ginagampanan Niya ang ministeryong ito, samakatuwid ay ipinapahayag Niya ang katotohanan para tustusan ang mga tao—ito ang pagkakaiba sa pagitan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at ng tiwaling sangkatauhan. Samakatuwid, hindi Ko kailangang unawain kung ano ang kailangan ninyo; pero ang gusto Kong itustos sa inyo at ibahagi sa inyo ay siguradong kung ano ang kailangan ninyo. Kailangan lang ninyong magpatuloy sa pagsunod sa Aking mga salita at gawain, at bubuti na ang inyong kalagayan, at lalo ring uusad ang inyong buhay kasabay nito. Kasabay nito, gagampanan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain habang dinidiligan Ko kayo. Sa katunayan, ang Espiritu ng Diyos ang siyang nakikipagtulungan sa Kanyang pagkatao, at ang Kanyang pagkatao naman ay nakikipagtulungan sa Kanyang pagka-Diyos—sabay-sabay Silang gumagawa. Narito Ako na nagdidilig sa inyo at kasa-kasama ninyo ang Espiritu ng Diyos, gumagawa, nagbibigay-liwanag, at nagtatanglaw, at pagkatapos ay nagsasaayos ng mga sitwasyon at lumilikha ng mga kondisyon para sa inyo nang sa gayon ay makapasok kayo sa iba’t ibang katotohanan. Magkasamang gumagawa ang Kanyang pagkatao at pagka-Diyos sa ganitong paraan. Kaya, may tao bang kayang matamo ang ganitong pagtutulungan sa pagitan ng laman at ng Espiritu? Talagang wala. Samakatuwid, kung hindi mo susubukang alamin ang buong pamamahala ng Diyos at harapin ang laman na ito mula sa aspektong ito ng katotohanan, habambuhay mong hindi mauunawaan kung ano mismo ang diwa ng lamang ito, kung tungkol ba saan ang lamang ito, at kung paano Niya mismo ginagampanan ang gawain. Kung hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, hinding-hindi ka makatitiyak kung Siya ba ay isang tao o Diyos. Subalit kung kaya mong makita nang malinaw ang antas na ito o kaya mong abutin ang antas na ito sa iyong karanasan at pahalagahan ang antas na ito, malalaman mo kung gayon na habang ang laman ng Diyos—si Cristo—ay gumagawa sa lupa, kasamang gumagawa ang Banal na Espiritu at gumagawa ng parehong gawain, at isang bagay ito na walang sinuman sa buong sangkatauhan ang makakagawa. At habang gumagawa ang Espiritu, kasamang gumagawa ang laman sa gawain ng Espiritu. Magkakaayon, hindi nagbabago, at hindi kailanman magkakakontra ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao na, “Minsan, kapag nahaharap ako sa mga pagsubok, binibigyang-liwanag ako ng Banal na Espiritu para matutunan ang mga aral. Pero Ikaw naman, nagpapahayag Ka ng ibang katotohanan. Ano ang ibig sabihin niyon?” Wala talagang kontradiksiyon o pagkakasalungatan dito. Ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan nang paunti-unti at sa tamang pagkakasunod-sunod, samantalang inaakay ng Banal na Espiritu ang lahat sa kanilang karanasan sa iba’t ibang antas—walang iisang diskarte lang para sa lahat. Nangangaral si Cristo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan batay sa mahahalagang isyu na talagang umiiral para sa mga hinirang ng Diyos, at ang patnubay ng Banal na Espiritu ay nakabatay rin sa mga indibidwal na sitwasyon. Walang kontradiksiyon o pagkakasalungatan dito. May iba-ibang tayog ang mga tao sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang yugto, samantalang ang lahat ng gawaing ginagampanan ng Diyos ay nakapaloob sa katotohanang ipinapahayag Niya, ibig sabihin, ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na binanggit ng Diyos. Hindi lumalampas sa saklaw na ito ang Kanyang gawain—katotohanan lahat ito. Ano ang batayan ng mga katotohanang ibinibigay-liwanag sa iyo ng Banal na Espiritu at ng liwanag na itinutulot Niyang maunawaan mo? Nakabatay ang mga ito sa mga katotohanang ipinapahayag ngayon ni Cristo, ibig sabihin, ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na pinahihintulutan Niyang maunawaan mo ngayon. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi Ka namin kailangan sa laman na ito. Sapat nang nariyan ang Banal na Espiritu para bigyan kami ng kaliwanagan at gabayan kami. Maaari kaming magkaroon ng ganoon ding bagong kaliwanagan at tanglaw kahit wala Ka, makakapasok pa rin kami sa bagong kapanahunan, at matatamo pa rin namin ang kaligtasan.” Makatwiran bang sabihin ito? (Hindi.) Dalawang libong taon nang nanampalataya ang mga relihiyosong tao kay Jesus at dalawang libong taon na silang ginabayan ng Banal na Espiritu, at ano ang nakamit nila? Ang ebanghelyo ng pagtubos lamang, at natamasa lang nila ang maraming biyaya mula sa Diyos, subalit hindi nila kayang tamuhin ang mga katotohanang ito na ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw. Samakatuwid, kung wala rito sa mga huling araw ang nagkatawang-taong laman ng Diyos na nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, ano ang makakamit ninyo? Magiging katulad lang kayo ng mga relihiyosong taong iyon, nagkakamit ng malaking kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu at maraming biyaya, o kung hindi ay pipiliin ka ng Diyos at gagamitin ka, at maaari kang maging isang propeta o isang apostol, pero kung hindi mo tinatanggap ang mga katotohanang ito na ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, kung gayon ay wala kang pag-asang magawang perpekto, makapasok sa kaharian ng langit, o matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.
Nagagawa na ninyo ngayong tanggapin ang pagkakatawang-tao, pero may ilang kuru-kuro pa rin kayo tungkol sa diwa ng pagkakatawang-tao at hindi kayo kailanman nakatitiyak na ang pagkakatawang-tao ay ang praktikal na Diyos. Kung makikisalamuha Ako sa inyo ngayon, at matutuklasan ninyong hindi Ko rin nauunawaan ang ilang bagay sa labas ng mundo, bubuo kaya kayo ng mga kuru-kuro? Hindi ito matatanggap ng ilang tao, at iisipin nilang, “Hindi Mo rin ito nauunawaan. Hindi ito dapat mangyari. Ikaw ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya dapat maunawaan Mo ang lahat. Walang bagay dapat na hindi Mo alam at walang bagay na hindi Mo kayang gawin. Kahit na hindi Ka pwedeng nasa lahat ng dako nang sabay-sabay, dapat alam Mo pa rin ang lahat ng bagay!” Hindi ba’t kuru-kuro ito ng mga tao? (Oo.) Isa rin itong kuru-kuro. Ano ang konsepto sa likod ng normal na pagkatao ng pagkakatawang-tao? Ito ay na mayroong normal na lohikang pantao sa paraan ng pag-iisip ng pagkakatawang-tao—hindi ito supernatural, hindi ito malabo, at hindi ito hungkag. Kaya Niyang kamtin kung ano ang maaabot ng pag-iisip ng normal na pagkatao sa pamamagitan ng pag-aaral, bagamat maaaring hindi kinakailangan na mas may alam Siya tungkol sa gayong mga bagay kaysa sa isang taong may kaugnay na kadalubhasaan, at normal lang ito. Bukod dito, nagsasalita at kumikilos Siya alinsunod sa lohika at pag-iisip ng normal na pagkatao, at hindi sa supernatural na paraan. Halimbawa, hakbang-hakbang ang takbo ng pag-iisip ng normal na pagkatao, at ganito rin mag-isip ang pagkakatawang-tao. Bakit ganito ang Kanyang normal na pagkatao? Makatwiran ba ito? (Oo.) Bakit mo sinasabing makatwiran ito? Gaano karaming baitang ang inaakyat ng isang normal na tao sa bawat hakbang kapag umaakyat sa mga ito? (Isa.) Isang baitang kada hakbang; ito ang normal na paraan ng pag-akyat sa hagdanan. Kung lalaktawan Ko ang maraming baitang sa isang hakbang lang at papasok agad sa bahay, magagawa kaya ninyo ito? (Hindi.) Hindi, hindi ninyo magagawa. At kung ipagpipilitan Kong gawin ninyo ito, ano ang gagawin ninyo? Magagawa ba ninyo ito? (Hindi.) Hindi, hindi ninyo magagawa. Batay ito sa mga pangangailangan ng mga tao na pinatutungkulan ng gawain. Ganito Ako nagbabahagi tungkol sa katotohanan, kumukuha Ako ng isang paksa at isang pangunahing isyu at pagkatapos ay ginagawa ang lahat ng Aking makakaya para magsalita nang tiyak at kompleto, nagkukuwento, nagbibigay ng mga halimbawa, paulit-ulit na nagsasabi ng mga bagay-bagay, pero kahit sa ganitong pagsasalita, maraming tao ang hindi nakakaunawa at hindi nakakaintindi sa punto. Kaya kung hindi Ako nagsalita nang ganoon kadetalyado at nagpaliwanag sa lahat ng bagay sa isang napakalalim at pangkalahatang paraan, wala kayong anumang makakamit o mauunawaan, at magiging hungkag at di-praktikal ang gawaing ito. Makakausad kayo sa pagpanhik ng isang baitang kada hakbang, kaya aakayin Ko kayo pasulong sa pamamagitan din ng pagpanhik ng isang baitang kada hakbang, at sa ganitong paraan ay makakasabay kayo sa Akin. Kung aakyat Ako ng apat na baitang sa isang hakbang, ano ang magiging resulta? Hindi kayo makakasabay sa Akin kailanman. Kung mas nangunguna ang Aking pag-iisip at malayo ang kaya Kong marating, at hindi man lang ninyo ito maabot, mawawalan ng kabuluhan ang pagkakatawang-tao. Samakatuwid, kahit gaano pa kanormal at kapraktikal ang laman na ito—maaari pa ngang tila wala Siyang mga kakayahan ng Espiritu ng Diyos—ang lahat ng ito ay dahil sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Dahil ang mga taong tinutustusan ngayon ng Diyos ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, mga taong walang nauunawaang katotohanan, at mga walang kakayahang makaarok sa katotohanan. Sa Kanyang pagkakatawang-tao, dapat Niyang taglayin ang pinakapangunahing pag-iisip ng normal na pagkatao. Ano ang pinakapangunahing pag-iisip na ito? Ito ay na, kapag nagsasalita Siya, nauunawaan Siya ng mga taong may katamtamang kakayahan at maging ng mga medyo kulang sa kakayahan. Hangga’t normal ang kanilang pag-iisip, mauunawaan ng lahat kung ano ang sinasabi at tinatalakay Niya at mauunawaan ang mga katotohanang ipinapangaral Niya, at pagkatapos ay matatanggap nila ang katotohanan. Sa ganitong paraan lang magkakaroon ng mga epekto at makakakita ng mga resulta ang bawat hakbang ng gawaing ginagampanan ng Diyos at ang lahat ng salitang binibigkas Niya. Hindi ba’t makatotohanan ito? (Oo.) Kaya, kung kumakapit ang mga tao sa mga kuru-kuro at hindi bibitiwan ang mga ito, na sinasabing, “Noon, ang ilang emperador ay pinagkalooban ng pambihirang memorya at kaya nilang magbasa ng sampung linya sa isang sulyap. Hindi ba’t ganoon din dapat ang Diyos? Kung hindi Mo taglay ang mga kaloob na ito, hindi kami makakasunod sa Iyo dahil masyado Kang ordinaryo. Maganda sana kung mukha Kang bigatin,” ano ang maaari mong makita mula rito? Ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas hanggang sa puntong napakamangmang nila at hindi na magagawan ng paraan. Bukod sa pagkakaroon ng kaunting normal na pag-iisip at kakayahan ng tao, at sa pagpili sa kanila at paggawa sa kanila ng Diyos, ang pagkakaroon ng mga tao ng kaunting pagnanais na sumunod sa Diyos at kaunting konsensiya at katwiran—maliban dito, wala silang nauunawaan. Bukod sa wala silang anumang nauunawaang katotohanan, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang normal na pagkatao, kung ano ang mga tiwaling disposisyon, kung paano lumalabas ang mga kuru-kuro at imahinasyon, kung paano lutasin ang mga ito, kung paano dapat lumapit ang mga tao sa Diyos, o kahit man lang kung anong konsensiya at katwiran ang dapat nilang taglayin, at iba pa. Kahit ano pang wikang madaling maunawaan ang gamitin ng Diyos, hindi nakakaunawa masyado ang mga tao at mababaw lang ang kanilang pagkaunawa. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nahaharap sa isang grupo ng mga tiwaling tao na walang nauunawaan, na kumokontra sa Diyos, anong uri ng diwa, anong uri ng pagkatao, at anong uri ng normal na pag-iisip ng tao ang dapat tinataglay ng Diyos na nagkatawang-tao para maakay Niya ang mga gayong tao sa harap ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat gawin ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Bakit hindi Siya magpakita ng maraming tanda at himala para lupigin ang mga tao?” Isang kuru-kuro ito na nasa puso ng karamihan sa mga tao. Hindi nila kinukuwestiyon kung maibubunyag at malulutas ba ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at himala at sa pamamagitan ng supernatural na pamamaraan. Maaari bang ikintal ang katotohanan sa mga tao sa pamamagitan ng supernatural na pamamaraan? Makukumbinsi ba nito si Satanas? (Hindi.) Marahil isang uri ng doktrina ang pagsasabi ninyo ngayon ng “hindi,” pero kapag nakaranas kayo hanggang sa isang partikular na araw, malalaman ninyo kung gaano kayo kamanhid at kahangal, kung gaano kayo kamapaghimagsik, kung gaano kamapagmatigas, kung gaano kabuktot ang mga tao, at kung gaano nila hindi kamahal ang katotohanan. Kapag nakaranas na kayo hanggang sa isang partikular na araw, mauunawaan na ninyo na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, itong laman ng normal na pagkatao, ay ang kinakailangan ng buong sangkatauhan. Samakatuwid, kung mayroon ka pa ring iba’t ibang imahinasyon at kuru-kuro, para sa iyo ay isa itong iresponsableng saloobin na taglayin, at para sa Diyos ito ay kalapastanganan; ito ay para itatwa at kuwestiyunin ang masidhing layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kung iniisip mo na, “May kaalaman at edukasyon at mga utak kami. Ipinanganak kami sa panahon ng mga huling araw, at ang ilan sa amin ay tumanggap ng mas mataas na edukasyon sa mundo at galing sa mga kilalang pamilya. Moderno kami, mga edukadong tao at may dahilan kami para tanggihan ang gayong lubhang ordinaryo at normal na Cristo na siyang minamaliit ng lahat; may dahilan kami para bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Iyo,” kung gayon, anong uri ng problema ito? Ito ay paghihimagsik at walang kaalaman sa kaibahan ng mabuti at masama! Malulutas ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro sa sandaling lumitaw ang mga ito, pero kung matapos lutasin ang mga ito, patuloy pa ring tumatanggi ang mga tao na tanggapin ang pagkakatawang-tao ng Diyos o ang normal na parte ng pagkatao ni Cristo, magsasanhi ito ng problema sa kanila at pipigilan sila nito na matamo ang kaligtasan. Kapag nakaranas ka hanggang sa isang partikular na araw, mauunawaan mo na kapag mas normal ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang normal Niyang pagkatao, ang lahat ng mayroon Siya at kung ano ang inihahayag Niya, mas higit tayong maliligtas, at kapag mas normal ang mga ito, mas lalong kinakailangan natin ang mga ito. Kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay supernatural, wala ni isa sa mga namumuhay sa lupa ang makakapagkamit ng kaligtasan. Dahil mismo ito sa kababaang-loob at pagkukubli ng Diyos, dahil sa normalidad at pagiging praktikal ng tila pangkaraniwang Diyos, kaya’t ang sangkatauhan ay may pagkakataong maligtas. Sapagkat sa mga tao ay mayroong paghihimagsik, satanikong tiwaling disposisyon, at tiwaling diwa, nabubuo ang lahat ng uri ng kuru-kuro, maling pagkaunawa, at pagsalungat laban sa Diyos; ito man ay kaso rin na, bilang bunga ng mga kuru-kurong ito, madalas na mayabang o kumpiyansa sa sarili ang mga tao na tanggihan ang Cristo na ito, at tinatanggihan ang Kanyang normal na pagkatao—isa itong malaking pagkakamali. Kung nais mong makamit ang kaligtasan, kung nais mong matanggap ang kaligtasan ng Diyos, at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat mo munang isantabi ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon at mga maling depinisyon tungkol sa normal na pagkatao ni Cristo, dapat mong isantabi ang iyong iba’t ibang pananaw at opinyon tungkol kay Cristo, at dapat kang mag-isip ng paraan upang matanggap ang lahat na nagmula sa Kanya. Pagkatapos lamang nito unti-unting makakapasok sa iyong puso at magiging buhay mo ang mga salitang binibigkas Niya at ang mga katotohanang inilalahad Niya. Kung nais mong sumunod sa Kanya, dapat mong tanggapin ang lahat tungkol sa Kanya; Espiritu man Niya ito, ang Kanyang mga salita, o Kanyang laman, dapat mong tanggapin lahat ito. Kung tunay mo Siyang tinanggap, hindi ka dapat kumontra sa Kanya, na laging nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya at nagiging mapaghimagsik laban sa Kanya nang umaasa sa iyong mga kuru-kuro, lalong hindi ka dapat kumapit sa iyong mga kuru-kuro, palaging pinagdududahan Siya at kumokontra at lumalaban pa nga sa Kanya. Pipinsalain ka lamang ng ganitong uri ng saloobin at wala itong anumang ikabubuti para sa iyo. Kaya ba ninyong tanggapin ang mga sinasabi Ko? (Oo.) Mabuti kung ganoon, kaya, magmadali ka na ngayon at hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga kuru-kuro. Ang isyung ito ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon, at kung hindi mo lulutasin ang mga ito, tiyak na mamamatay ka dahil sa iyong mga tiwaling disposisyon.
Ngayon, sa kung paano ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, sa kabila ng katunayang lumilikha ng partikular na mga imahinasyon at kuru-kuro ang mga tao tungkol dito, lubos na hindi kayang hadlangan ng mga imahinasyon at kuru-kurong ito ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi basta-bastang sasabihin ng mga tao na hindi sila nananampalataya sa Diyos o na itinatatwa nila ang Diyos. Ano ang penomenang ito? Ito ang resultang nakamit ng mga salita ng Diyos. Nalupig ng mga salita at ng gawain ng Diyos ang mga tao, at kaya na nilang tanggapin si Cristo bilang kanilang Diyos. Sa puntong ito, nakapaglatag na ang mga tao ng isang pundasyon sa tunay na daan, at nakatitiyak sila rito at sigurado sila tungkol dito. Kapag nakamit ang resultang ito, nalutas na ba ang mga maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos? (Hindi, hindi nalutas ang mga ito.) Pinatutunayan ng hindi pagkalutas ng kanilang mga maling pagkaunawa na marami pa rin silang mga imahinasyon, hinihingi, at kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos at tungkol kay Cristo. Maaaring gabayan ng mga kuru-kurong ito ang iyong mga kaisipan, gabayan ang direksiyon at mga layon ng paghahangad mo, at maaari ring makaimpluwensiya ang mga ito nang madalas sa iyong kalagayan. Kapag walang kaugnayan sa iyong mga kuru-kuro ang mga bagay na kinakaharap mo, nagagawa mo pa ring kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at normal na gampanan ang iyong tungkulin. Sa sandaling may bagay na sumasalungat sa iyong mga kuru-kuro, lumalampas sa iyong mga kuru-kuro, at lumilitaw ang mga kontradiksiyon, paano mo lulutasin ito? Hinahayaan mo na lang ba ang iyong mga kuru-kuro, o pinupungos mo ang mga ito, pinipigilan ang mga ito, at naghihimagsik ka laban sa mga ito? Nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang ilang tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, at bukod sa hindi nila binibitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, ipinagkakalat din nila ang kanilang mga kuru-kuro sa iba at naghahanap sila ng mga pagkakataon na maibulalas ang mga ito, para magkaroon din ng mga kuru-kuro ang iba. Nakikipagtalo rin ang ilang tao, sinasabing, “Sinasabi ninyo na makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, pero sa sa tingin ko ay walang anumang kabuluhan ang partikular na pangyayaring ito.” Nararapat bang sabihin ito? (Hindi.) Ano ang tamang landas na dapat tahakin? Kapag may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol sa Diyos, mapagtatanto nila na hindi normal ang kanilang ugnayan sa Diyos, na nakabuo sila ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at na magiging lubhang mapanganib ito kung hindi nila lulutasin ang mga iyon, na malamang na salungatin nila ang Diyos, kuwestiyunin ang Diyos, at ipagkanulo pa nga ang Diyos. Pagkatapos ay mananalangin sila sa Diyos at tatalikuran ang kanilang mga kuru-kuro. Una, ikinakaila nila ang sarili nilang maling perspektiba, at pagkatapos ay hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ito. Sa paggawa nila nito, madali silang makalapit para magpasakop sa Diyos. Kung may taong bumubuo ng mga kuru-kuro, pero naniniwala pa rin na tama siya, at kung sa huli ay hindi niya ganap na mabitiwan o malutas ang kanyang mga kuru-kuro, pagdating ng panahon ay makakaimpluwensiya ang mga kuru-kurong ito sa kanyang buhay pagpasok. Sa malulubhang kaso, maaari pa nga silang maghimagsik laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, at hindi na kailangang pag-isipan pa ang kahihinatnan nito. Kung isa itong taong naghahangad sa katotohanan, na nakakaunawa na ng ilang katotohanan at paminsan-minsang bumubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay-bagay, hindi ito isang malaking problema, at hindi magiging malaki ang impluwensiya sa kanya ng kanyang mga kuru-kuro. Dahil mayroon siyang katotohanan sa loob niya, ginagabayan ang kanyang mga kaisipan at pag-uugali, at ginagabayan siya sa paggampan ng kanyang tungkulin, walang magiging epekto ang kanyang mga kuru-kuro sa pagsunod niya sa Diyos. Marahil isang araw ay makikinig siya sa isang sermon o sa isang pagbabahagi at makakaunawa siya, at malulutas ang kanyang mga kuru-kuro. Ang ilang tao ay bumubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos nito ay parang ayaw na nilang gawin ang kanilang mga tungkulin, at hindi nila pinagsisikapang gampanan ang mga ito, lagi silang nasa negatibong kalagayan, at nagkikimkim ang kanilang mga puso ng pagsalungat, kawalang-kasiyahan, at sama ng loob—tama ba ang ganitong pag-uugali? Madaling bagay ba itong lutasin? Halimbawa, ipagpalagay na nating iniisip mong matalino ka, pero sinasabi Kong isa kang hangal at wala kang espirituwal na pang-unawa. Pagkarinig nito, nagagalit ka at tinututulan mo ito, at sinasabi mo sa iyong sarili sa loob ng puso mo, “Walang sinuman ang nangahas kailanman na sabihing wala akong espirituwal na pang-unawa. Ngayon ang unang beses na narinig ko ito at hindi ko ito matatanggap. Mapamumunuan ko ba ang iglesia kung wala akong espirituwal na pang-unawa? Makagagawa ba ako ng ganito karaming gawain?” Umusbong ang isang kontradiksiyon, hindi ba? Ano ang dapat mong gawin? Madali ba para sa mga tao na pagnilayan ang kanilang sarili kapag nangyayari ito sa kanila? Anong uri ng tao ang kayang magnilay sa kanilang sarili? Kayang magnilay sa kanyang sarili ang isang taong tumatanggap sa katotohanan at naghahanap sa katotohanan. Kung isa kang taong nagtataglay ng katwiran, dapat mo munang itatwa ang iyong sarili kapag nangyari ito sa iyo; ang pagtatatwa sa sarili ay nangangahulugan ng pag-amin na hindi taglay ng isang tao ang katotohanan. Kahit na may ilang ideya at perspektiba ka, hindi nangangahulugang tumpak kaagad ang mga ito. Samakatuwid, ang isagawa ang pagtatatwa sa sarili sa gayong mga sitwasyon ay ang tamang gawin, hindi ito pagpapababa sa sarili mo. Matapos mong maitatwa ang iyong sarili, makakaramdam ka ng kapayapaan sa puso mo, magiging mas maayos ang iyong pag-uugali, at maitatama ang iyong saloobin. Kapag narinig mong sinasabi ng Diyos na isa kang hangal at na hindi mo nauunawaan ang mga espirituwal na bagay, dapat mong patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga salita nang may mapagpasakop na isipan. Kahit na wala ka pang anumang kamalayan o pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga ito, sa pananampalataya mo, dapat mong kilalanin na: “Ang Diyos ay katotohanan, kaya paanong may masasabing mali ang Diyos?” Kahit na naiiba ang sinabi ng Diyos sa iniisip mo, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos nang batay sa pananalig; kahit pa hindi mo nauunawaan ang mga ito, dapat mong tanggapin ang mga ito bilang katotohanan. Kapag ginawa mo ito, garantisado itong tama. Kung hindi tatanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos kapag hindi nila nauunawaan ang mga ito, lubhang wala sa katwiran iyon, at dapat hiyain ang mga taong iyon sa bagay na ito. Kaya, ang pagpapasakop sa Diyos ay hindi kailanman mali. Hindi ito doktrina, ito ay praktikal, at mula sa karanasan ang mga salitang ito. Pagkatapos, kapag nagagawa mo nang tratuhing bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang mga ito, dapat kang magsimulang magnilay sa iyong sarili. Sa paggampan ng iyong tungkulin at pakikisalamuha sa iba, matutuklasan mo na bukod sa wala kang espirituwal na pang-unawa, napakahangal mo rin, at marami kang mga kamalian at kakulangan, at matutuklasan mong mayroon kang mabigat na problema. Hindi ba’t mangangahulugan iyon na magagawa mo nang unawain at tanggapin ang mga sinabi ng Diyos? Dapat tanggapin mo ang mga salitang ito, una bilang isang regulasyon, isang depinisyon, o isang konsepto, at pagkatapos sa totoong buhay ay dapat kang mag-isip ng paraan para ikumpara ang sarili mo sa Kanyang mga salita, at para maunawaan at maranasan ang mga ito. Matapos gawin ito nang ilang panahon, magtataglay ka ng isang tumpak na pagsusuri sa iyong sarili. Kapag nangyari iyon, magkakaroon ka pa rin ba ng mga maling pagkaunawa sa Diyos? Tatanggi ka pa rin ba na tanggapin ang pagsusuri sa iyo ng Diyos kung wala namang pagtatalo sa pagitan mo at ng Diyos ukol sa bagay na ito? (Hindi.) Magagawa mong tanggapin ito at hindi ka na magiging mapaghimagsik. Kapag kaya mong tanggapin ang katotohanan at lubusang maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa mo nang humakbang pasulong at umusad. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, mananatili kang nakatayo sa iisang lugar at hindi ka magkakaroon ng anumang pag-usad. Mahalaga bang tanggapin ang katotohanan? (Oo, mahalaga ito.) Dapat itakwil ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi sila dapat magkimkim ng anumang pagkamapanlaban o pagsalungat sa mga bagay na sinasabi ng Diyos—ito lamang ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Nagiging negatibo at mahina ang ilang tao dahil pinapalitan sila. Ayaw nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at palagi silang pasibo at nagpapakatamad sa gawain. Sa panlabas, para bang dahil ito sa wala silang katayuan at masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, pero ang totoo, hindi ganito ang kaso. Nanghihina at nagiging negatibo sila dahil lang sa hindi tugma sa sarili nilang pagsusuri sa sarili ang pagsusuri ng Diyos sa kanila, o ang pagsusuri ng mga kapatid sa kanila, dahil mas mababa ito kaysa sa kung paano nila sinusuri at nauunawaan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit pakiramdam nila ay hindi sila kumbinsido at agrabyado sila, at sa huli ay pinipili nilang maging negatibo at palakontra, at isiping wala silang pag-asa, iniisip na, “Hindi ba’t sinabi Mo na hindi naman ako ganoon kahusay? Kung gayon ipapakita ko sa Iyo, wala akong gagawing kahit ano.” Ang resulta nito ay na lumilikha sila ng mga pagkaantala sa kanilang mga tungkulin, sinasalungat nila ang Diyos, at nahihinto ang sarili nilang buhay pagpasok—isa itong mabigat na kawalan.
Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ko matanggap kapag sinasabi ni Cristo na masama ako. Tatanggapin ko ito kung ang Diyos sa langit ang nagsabi na may masama tungkol sa akin. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay may normal na pagkatao, maaaring mali ang Kanyang mga paghusga, at hindi maaaring 100 porsiyentong tama ang mga bagay na ginagawa Niya. May ilang katanungan tungkol sa kung maaari bang nagkamali Siya sa Kanyang pagsusuri at pagkondena sa mga tao, o sa kung paano Niya sila pinangangasiwaan at paano Siya nagsasaayos para sa kanila. Kaya hindi ako natatakot sa kung ano ang sinasabi ni Cristo—ang Diyos sa lupa—tungkol sa akin, dahil hindi Niya maaaring kondenahin ako o pagpasyahan ang aking kalalabasan.” Mayroon bang ganitong mga tao? Tiyak na mayroon. Kapag pinupungusan Ko sila, sinasabi nilang, “Ang Diyos sa langit ay matuwid!” Kapag pinangangasiwaan Ko sila, sinasabi nilang, “Sumasampalataya ako sa Diyos, hindi sa kung sinong tao!” Ginagamit nila ang mga salitang ito para tahasang tanggihan Ako. At ano ang mga salitang ito? (Ang mga ito ay pagtatatwa sa Diyos.) Tama iyan, ang mga ito ay pagtatatwa at pagkakanulo sa Diyos. Ang ibig sabihin ng mga ito ay, “Hindi ito nakasalalay sa Iyo, kundi sa Diyos ng langit.” Sa kanilang mga kuru-kuro at sa kanilang pagkaunawa sa Diyos, hindi kailanman mapagtatanto ng mga taong ito kung ano ang ugnayan sa pagitan ng nagkatawang-taong si Cristo at ng Diyos sa langit, sa madaling salita, kung ano ang ugnayan sa pagitan ng laman at ng Espiritu sa langit. Sa paningin nila, ang walang-kabuluhang taong ito na nasa lupa ay palaging magiging isang tao lamang, at kahit gaano karaming katotohanan ang ipinapahayag ng taong ito, kahit gaano karaming sermon ang ipangangaral Niya, tao pa rin Siya; kahit ginagawa Niyang ganap ang ilang tao, at dinadalhan sila ng kaligtasan, mananatili pa rin Siyang nasa lupa, mananatili pa rin Siyang isang tao, at walang kakayahang higitan ang Diyos sa langit. Kaya, naniniwala ang mga taong ito na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat na ang pananampalataya sa Diyos sa langit; para sa kanila, tanging ang pananampalataya sa Diyos sa langit ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Ang mga taong gaya nito ay nananampalataya sa kahit anong paraang gusto nila. Nananampalataya sila sa kahit anong paraan na sila ay masaya, at iniisip nila kung ano ang Diyos sa kahit anong paraang gusto nila. Sinusunod din nila ang sarili nilang imahinasyon pagdating sa nagkatawang-tao na si Cristo: “Kung mas mabait sa akin ang Diyos na ito sa lupa, kung sisiguraduhin Niyang magiging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa akin, igagalang ko Siya, at mamahalin Siya. Kung hindi Siya mabait sa akin, kung may problema Siya sa akin, kung hindi maganda ang pakikitungo Niya sa akin, at palagi Niya akong pinupungusan, kung gayon, hindi Siya ang aking Diyos; pipiliin kong manampalataya sa Diyos sa langit.” Hindi kakaunti ang mga taong may ganitong saloobin. Kabilang din kayo rito, dahil nakasalamuha Ko na ang mga ganitong tao. Kapag maayos ang lahat, napakabait nila sa Akin, at maasikaso sa paglilingkod sa akin, pero kapag pinalitan Ko na sila, lumalaban sila sa Akin. Kaya noong nagpapakita sila ng kabaitan sa Diyos, talaga bang naniwala sila na ito ang Diyos, at Cristo? Hindi: Ang pinupuntirya nila ay ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, ang kanilang bawat galaw ay pagsisipsip lamang dahil sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Sa lahat ng pagkakataon, kinikilala lang nila ang malabong Diyos sa langit bilang tunay na Diyos; kahit gaano karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos na ito sa lupa, o kahit gaano pa Siya nakapagpapatibay at kapaki-pakinabang sa tao, ang katunayan na namumuhay lang Siya sa Kanyang normal na pagkatao at may katawang-laman ay nangangahulugang imposibleng Siya ang Diyos sa langit, at gaano man nila bolahin, paglingkuran, at igalang ang Diyos na ito sa lupa, sa puso nila ay naniniwala pa rin sila na ang Diyos sa langit ang tanging tunay na Diyos. Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Makatarungan bang sabihin na malalim na umiiral ang gayong pananaw sa puso ng maraming tao, na malalim itong nakabaon sa kanilang isipan. Kasabay ng pagtanggap sa pagtutustos at pagpapastol ni Cristo, inoobserbahan, pinag-aaralan, at kinukuwestiyon din nila si Cristo—habang hinihintay rin ang matuwid na Diyos sa langit na pumarito para hatulan ang lahat ng ginawa nila. At bakit nila nais na humatol sa kanila ang Diyos sa langit? Dahil gusto nilang sundin ang kanilang mga kagustuhan, kuru-kuro at imahinasyon para bigyang-laya ang kanilang pagnanais na pakikitunguhan sila ng Diyos sa langit—ang Diyos sa kanilang imahinasyon—nang naaayon sa gusto nila, samantalang hindi iyon gagawin ng Diyos sa lupa; ipinapahayag lamang ng Diyos sa lupa ang katotohanan at sinasalita ang mga katotohanang prinsipyo. At iniisip nilang, “Ang pagmamahal ng Diyos sa langit para sa tao ay hindi makasarili, walang kondisyon, at walang limitasyon, samantalang sa sandaling malaman ng Diyos sa lupa na may nasabi o nagawa kang mali, ginagamit ka Niya bilang isang negatibong halimbawa sa Kanyang mga sermon at sinusuri ka Niya—kaya dapat maging mas maingat ang mga tao, dapat panatilihin nilang mas nakatago ang kanilang sarili, at hindi nila maaaring ipaalam sa Diyos sa lupa kapag may nangyayari.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi Ko ba kayang suriin ang mga bagay na itinatago ninyo mula sa Akin? Hindi Ko kailangang suriin ang mga bagay na ginagawa mo; susuriin Ko ang iyong mga disposisyon at kalagayan. Hindi Ko kailangang gamiting halimbawa ang mga bagay na ito na ginagawa mo; makapagbabahagi pa rin Ako sa katotohanan at makapagbibigay ng mga sermon para lutasin ang mga problema tulad ng dati, at kaya Ko pa ring ipaunawa sa mga tao ang katotohanan. Sa puso ng mga hindi mananampalataya, naniniwala silang hindi makakaalam ang laman na ito, ang Diyos na ito, sa mga bagay na hindi nakikita ng Kanyang mga mata, lalong hindi Siya makakaalam sa anumang bagay na may kinalaman sa espirituwal na mundo o sa katotohanan. Naniniwala silang ni hindi Niya nakikita ang mga bagay na kayang gawin ng mga tao kapag pinangingibabawan sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at na imposibleng maunawaan Niya nang lubos ang tiwaling diwa ng tao—ito ang lohika at pangangatwiran ng mga hindi mananampalataya. Palagi nilang hinaharap si Cristo nang may saloobing nag-aaral, nagkukuwestiyon, at walang pananampalataya pa nga, at ginagamit din nila ang mga pamantayan sa pagsukat ng tao, maging ang kaalamang nauunawaan nila at ang mga bagay na naiisip nila para sukatin si Cristo. Halimbawa, kapag nakikipag-usap sa iba, naniniwala ang ilang tao na hindi alam ng iba kung ano ang kanilang iniisip sa kanilang puso o kung anong uri ng disposisyon ang mayroon sila, at ganito rin sila magsalita sa Akin, tinatrato Ako nang ganito gaya ng pagtrato nila sa isang ordinaryong tao, iniisip na wala Akong alam—hindi ba’t hindi nila nakikilala ang Diyos kapag ganito? Nagsisinungaling sila sa ibang tao at walang problema iyon sa ibang tao, at nagsisinungaling din sila sa Akin nang ganoon, naghahagikgikan at itinuturing Ako bilang kapantay, laging gustong ituring Ako na parang kabarkada nila. Naniniwala silang puwede silang kumilos nang ganoon dahil pamilyar sila sa Akin, at iniisip nilang maaaring wala Akong alam. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Isa itong kuru-kuro ng tao, kamangmangan ito ng tao, at sa kamangmangang ito nagtatago ang isang sataniko at buktot na disposisyon; ang buktot na disposisyong ito ang nagsasanhing bumuo ang mga tao ng mga kuru-kuro. Sabihin ninyo sa Akin, kailangan Ko bang mamuhay kasama ang isang tao, at gugulin ang bawat minuto na inoobserbahan ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at ganap na unawain ang kanilang pinagmulan, para mailantad o makilatis ang kanilang kalikasan? (Hindi.) Hindi, hindi kailangan, pero hindi ninyo makakamit ito. Kahit na nakikisalamuha kayo sa mga tao at namumuhay nang kasama sila araw-araw, hindi pa rin ninyo nakikilatis ang kanilang kalikasang diwa. Anuman ang mangyari sa inyo, nakikilatis lamang ninyo ang panlabas ng mga bagay-bagay at hindi ang diwa ng mga ito. Maaari lamang kayong magkaroon ng kaunting kakayahang kumilatis ng isang tao kung ganap siyang ibubunyag ng Diyos, pero kung hindi, hindi ninyo siya makikilatis kahit kaibiganin pa ninyo siya nang ilang taon. Kaya Kong makipag-ugnayan sa isang tao nang isa o dalawang araw, at may ilan siyang gagawin at sasabihin, at magpapahayag siya ng mga pananaw, at pagkatapos ay alam Ko na kung anong uri siya ng tao. Ngunit may ilang tao na wala pang anumang nagawa, na hindi Ko pa nakasalamuha o napangasiwaan sa kahit anong bagay, pero malaking palaisipan sila sa Akin, at sa sandaling maharap sila sa isang isyu at magpahayag ng pananaw, nalalantad kaagad ang kanilang kalikasang diwa. Maraming tao ang nagsasabi na, “Nakikilatis Mo ba sila kaagad sa sandaling nabunyag ang kanilang kalikasang diwa? Saan Mo ibinabatay ang kabatirang ito? Bakit hindi namin sila makilatis?” Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo magagawang sukatin ang mga tao, at hindi ka kailanman magkakaroon ng kinakailangang pamantayan para magawa iyon. Kung wala ka ng mga pamantayang iyon, hindi mo makikilatis ang mga tao. Pero Ako, mayroon Ako ng mga pamantayang iyon. Sa isang banda, nauunawaan Ko ang katotohanan, kaya mas matalas at mas mabilis Ako pagdating sa pagsukat sa isang tao, at sa kabilang banda, gumagawa ang Espiritu ng Diyos. Iniisip ng ilang tao na, “Kapag matagal nang nakapamuhay ang mga tao sa mundong ito, nagagawa na nilang kilatisin ang mga bagay-bagay at ang mga tao.” Hindi iyon tunay na kabatiran; ano ang nakikilatis nila? Ang mga uri ng panloloko na umiiral sa lipunang ito, gaya ng mga panloloko sa pulitika, mga panloloko sa negosyo, mga panloloko sa pera, o mga panlolokong may kaugnayan sa pornograpiya. Ang mga bagay na ito ay maiiwasan ng mga taong higit na nakaranas at nakarinig tungkol dito. Ang mga taong bihirang dumanas ng mga bagay na ito ay madalas na malinlang, pero kapag maraming beses na silang naloko, nadaragdagan ang kanilang karanasan, at nakikilatis na nila ang mga ito. Ganito nila nakikilatis ang mga bagay-bagay. Pero pagdating sa katiwalian ng tao, kalikasan, at sa diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, hindi sila kailanman magkakaroon ng karunungang makilatis ang mga bagay na ito, at hindi nila kailanman makikilatis ang mga disposisyon na ibinubunyag ng iba’t ibang uri ng tao sa likod ng isang bagay, o ang pinagmulan ng problema. Kung hindi mo makilatis ang mga bagay na ito, hindi mo malalaman kung paano haharapin ang isyu o ang mga tao, pangyayari, at bagay na may kaugnayan dito—hindi mo mapangangasiwaan ito at hindi ka magkakaroon ng karunungang harapin ito. Iyon ang dahilan kung bakit kapag nahaharap ka sa gayong bagay, lubhang natataranta at nababalisa ka, at nahihirapan kang harapin ito. Kung nauunawaan mo nang malinaw ang katotohanan, makikilatis mo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan ng pagkakilatis sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, malalaman mo ang kanilang diwa, at malalaman mo kung anong uri ng bagay ang mga ito, kung anong uri ng tao sila, malalaman mo kung paano ka mag-iingat laban sa kanila, kung paano sila kikilatisin, at malalaman mo kung paano harapin ang bagay na ito. Hindi ba’t ito ang pinagmumulan ng karunungan? (Ito nga.) Kaya, nakikilatis ni Cristo ang tao at kaya Niyang tustusan ang tao—ano ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Kung sasabihin ito sa mga salitang pandoktrina, nanggagaling lahat ito sa Espiritu ng Diyos. Kung sasabihin ito sa mas praktikal na salita, ito ay dahil taglay ni Cristo ang katotohanan na nagmumula sa Diyos. Ganito talaga iyon. Kapag isang araw ay magtataglay kayo ng katotohanang realidad bilang inyong buhay, magkakaroon na kayo ng karunungan at makakakilatis na kayo sa mga tao.
May isa pang aspekto sa mga kuru-kuro ng tao, at iyon ay ang mga kuru-kurong binubuo ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Paano nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Ang ilan ay mula sa naarok ng mga tao tungkol sa pananalig, at ang ilan ay mula sa sarili nilang imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, dati-rati ay iniisip ng mga tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng malaking puting trono sa langit, kung saan nakaupo ang Diyos, hinahatulan ang lahat ng tao. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na hindi makatotohanan ang gayong mga imahinasyon—imposible ang gayong mga bagay. Anuman ang kaso, maraming imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain, pamamahala, at pagtrato ng Diyos sa tao, at ang karamihan sa mga imahinasyong ito ay mula sa mga kinahihiligan ng mga tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ayaw ng mga tao na mahirapan. Palagi nilang gustong sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli nang walang-hirap, nagtatamasa ng sapat na biyaya, nagmamana ng Kanyang mga pagpapala, at pagkatapos ay pumasok sa kaharian ng langit. Napakagandang isipin! Ang pinakakaraniwan at labis-labis na ideya na mayroon ang tiwaling sangkatauhan tungkol sa gawain ng Diyos ay ang pagpasok sa kaharian ng langit lulan ng isang palangkin. Bukod dito, kapag nahaharap ang mga tao sa gawain ng Diyos, kadalasan ay hindi nila kayang unawain ito; hindi nila alam ang katotohanang nakapaloob dito, o kung ano ang layunin ng Diyos at ginagawa Niya ang gawaing ito, at kung bakit ganoon ang pakikitungo ng Diyos sa tao. Halimbawa, inilarawan Ko na noong nakaraan ang pagmamahal ng Diyos gamit ang mga salitang “napakalawak” at “napakalaki,” pero sa palagay Ko hindi pa ninyo kailanman naunawaan kung ano ba talaga ang ibig Kong sabihin sa dalawang salitang ito. Ano ang layunin Ko sa paggamit sa dalawang salitang ito? Ito ay para makuha ang atensiyon ng lahat, nang sa gayon ay pagnilayan ninyo ang mga ito. Kung titingnan, tila hungkag ang mga salitang ito. May kahulugan talaga ang mga ito, pero gaano man pag-isipan ng mga tao ang mga ito, ang maiisip lamang nila ay, “Napakalawak—nangangahulugan na walang hangganan gaya ng himpapawid; sinasabi nito na walang hangganan ang puso ng Diyos, walang hanggan ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan!” Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi ang uri ng pagmamahal na maiisip ng tao sa kanyang imahinasyon. Hindi kayang isipin ng mga tao ang pagmamahal na ito, hindi nila dapat gamitin ang pinag-aralan at kaalaman upang bigyang kahulugan ang salitang ito, sa halip ay dapat silang gumamit ng ibang pamamaraan upang mapahalagahan at maranasan ito. Sa huli, nauunawaan mong tunay na ang pagmamahal ng Diyos ay naiiba sa pagmamahal na sinasabi ng mga tao, na ang tunay na pagmamahal ng Diyos ay hindi katulad ng anupamang pagmamahal, hindi katulad ng pagmamahal na naiintindihan ng buong sangkatauhan. Kaya’t ano ba mismo ang pagmamahal na ito ng Diyos? Paano mo dapat maunawaan ang pagmamahal ng Diyos? Una, hindi mo dapat ito gamitan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Gawin nating halimbawa ang pagmamahal ng isang ina: Ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak ay walang pasubali, nagbibigay ito ng labis na proteksiyon at init. Sa ngayon, ang pagmamahal ba ng Diyos sa tao na nararamdaman ninyo ay may parehong antas ng pakiramdam at kahulugan tulad ng pagmamahal ng isang ina? (Oo.) Kung gayon ito ay isang problema—mali ito. Dapat mong makita ang kaibhan ng pagmamahal ng Diyos mula sa pagmamahal ng mga magulang, ng asawang lalaki, asawang babae, o mga anak, ng iyong kamag-anak, mula sa pag-aalala ng mga kaibigan, at makilalang naiiba ang pagmamahal ng Diyos. Ano ba talaga ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Diyos ay walang mga damdamin ng laman at hindi ito naaapektuhan ng pagiging magkadugo. Ito ay pagmamahal na dalisay at simple. Kaya paano dapat maunawaan ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos? Bakit tayo naparito upang talakayin ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Diyos ay nakapaloob sa gawain ng Diyos, upang makilala, matanggap, at maranasan ito ng mga tao, at sa huli ay mapagtanto nila na ito ang pagmamahal ng Diyos, at kilalaning ito ang katotohanan, na hindi mga salitang walang laman ang pagmamahal ng Diyos, ni isang uri ng pag-uugali sa bahagi ng Diyos, kundi ang katotohanan. Kapag tinanggap mo ito bilang katotohanan, makikilala mo mula rito ang aspektong ito ng diwa ng Diyos. Kung ituturing mo ito na isang uri ng pag-uugali, mahihirapan kang kilalanin ito. Ano ang ibig sabihin ng “pag-uugali”? Gawin nating halimbawa ang mga ina: Ibinibigay nila ang kanilang kabataan, ang kanilang dugo, ang kanilang pawis at luha upang mapalaki ang kanilang mga anak, at ibinibigay nila sa mga anak ang anumang nais ng mga ito. Gumawa man ng tama o mali ang kanyang anak o anumang landas ang tahakin nito, nagbibigay ang ina nang walang pag-iimbot, tinutugunan niya ang pangangailangan ng kanyang anak, hindi niya kailanman tinuturuan, tinutulungan o ginagabayan ang anak kung paano lumakad sa tamang landas, walang sawa lang na nag-aalaga, nagmamahal at pumoprotekta rito, hanggang sa punto na sa huli ay hindi na masabi ng anak kung ano ang tama at mali. Ito ang pagmamahal ng isang ina o anumang uri ng pagmamahal na nagmumula sa laman, mga damdamin, at mga ugnayan sa laman ng tao. Samantala, ang pagmamahal ng Diyos ay ang mismong kabaligtaran: Kung mahal ka ng Diyos, ipinapahayag Niya ito sa pamamagitan ng madalas na pagtutuwid, pagdidisiplina, at pagpupungos sa iyo. Maaaring lumipas ang iyong mga araw nang hindi komportable, sa gitna ng pagtutuwid at pagdidisiplina, ngunit sa sandaling maranasan mo ito, matutuklasan mong marami kang natutuhan, na mayroon kang kakayahang makakilala at talino pagdating sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga tao, at may ilang katotohanan ka na ring nauunawaan. Kung ang pagmamahal ng Diyos ay tulad ng pagmamahal ng ina o ama, tulad ng naiisip mo, kung Siya ay napakaingat sa Kanyang pag-aalaga, at walang pasubali kung magbigay, matatamo mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kaya, ang pagmamahal ng Diyos na maaarok ng mga tao ay iba sa tunay na pagmamahal ng Diyos na maaari nilang maranasan sa Kanyang gawain; dapat harapin ito ng mga tao nang ayon sa mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan sa Kanyang mga salita para malaman kung ano ba ang tunay na pagmamahal. Kung hindi nila hinahanap ang katotohanan, paano biglang magkakaroon ng pagkaunawa ang isang tiwaling tao tungkol sa kung ano ba ang pagmamahal ng Diyos, kung ano ba ang layunin ng Kanyang gawain sa tao, at kung saan naroroon ang Kanyang masidhing layunin? Hindi kailanman mauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Ito ang pinakamalamang na maling pagkaunawang mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, at ito ang aspekto ng diwa ng Diyos na pinakamahirap para sa mga tao na maunawaan. Dapat malalim at personal na maranasan ito ng mga tao at praktikal na makibahagi rito at pahalagahan ito para maunawaan nila ito. Karaniwan, kapag sinabi ng mga tao ang “pagmamahal,” ibig nilang sabihin ay ang ibigay sa isang tao kung ano ang gusto nito, hindi ang bigyan ito ng isang mapait na bagay kapag gusto nito ay isang matamis, o kahit pa kung minsan ay nabigyan ito ng isang bagay na mapait, ito ay para gamutin ang isang karamdaman; sa madaling salita, kinapapalooban ito ng pagiging makasarili, ng mga damdamin, at ng laman ng tao; kinapapalooban ito ng mga layunin at motibasyon. Pero kahit ano pa ang gawin ng Diyos sa iyo, kahit gaano ka pa Niya hinahatulan at kinakastigo, itinutuwid at dinidisiplna, o pinupungusan, kahit magkaroon ka ng maling pagkaunawa sa Kanya, at kahit magreklamo ka tungkol sa Kanya sa iyong puso, patuloy na gagawa sa iyo ang Diyos nang buong tiyaga. Ano ang pinakalayon ng Diyos sa paggawa nito? Ginagamit Niya ang pamamaraang ito para gisingin ka, para isang araw ay maunawaan mo ang mga layunin ng Diyos. Pero kapag nakita ng Diyos ang kahihinatnang ito, ano ang nakamit Niya? Ang totoo, wala Siyang anumang nakamit. At bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang lahat ng nasa iyo ay mula sa Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na magkamit ng anuman. Ang kailangan lang Niya ay na maayos na sumunod ang mga tao at pumasok alinsunod sa kung ano ang mga hinihingi Niya habang ginagampanan Niya ang Kanyang gawain, ang maisabuhay ang katotohanang realidad sa huli, ang mamuhay nang may wangis ng tao, at hindi na malihis, madaya, at matukso pa ni Satanas, ang magawang maghimagsik laban kay Satanas, ang magpasakop at sumamba sa Diyos, at pagkatapos ay malulugod ang Diyos, at matatapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ano ang nakakamit ng Diyos? Nakakamit ka ng Diyos at maaari kang magpuri sa Diyos. Pero ano ba ang halaga sa Diyos ng pagpupuri mo? Hindi ba magiging Diyos ang Diyos kung hindi mo Siya pinuri? Hindi ba magiging makapangyarihan sa lahat ang Diyos kung hindi mo Siya pinuri? Mababago ba ng hindi mo pagpuri sa Diyos ang Kanyang diwa o ang Kanyang katayuan? (Hindi.) Hindi. Masasabi lang na pagmamahal at gawain ito ng Diyos. May ganito bang kahulugan sa pagkaunawa ninyo sa pagmamahal ng Diyos bilang napakalawak at napakalaki? (Wala.) Wala pa sa ganoong punto ang inyong pagkaunawa. Kahit may taong dumurog sa puso ng Diyos, at iniisip ng iba na imposibleng maliligtas sila ng Diyos, ano ang saloobin ng Diyos kapag nagnilay-nilay sila sa kanilang sarili, napagtanto nila ang kamalian ng kanilang mga gawi at nagsisi, at isinantabi ang kasamaan na nasa kanilang mga kamay at tinanggap ang Kanyang pagliligtas? Tinatanggap pa rin silang lahat ng Diyos. Hangga’t tinatahak ng mga tao ang tamang landas, hindi papanagutin ng Diyos ang mga tao sa kanilang mga pagsalangsang. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Anong kuru-kuro ng tao ang dapat lunasan dito? Ito ang kuru-kuro patungkol sa kung paano nagmamahal ang Diyos. Dapat iwan ng mga tao ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon; dapat nilang hanapin ang katotohanan at unawain ang katotohanan para mabitiwan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Madaling iwan ang mga kuru-kuro ng isang tao, pero hindi madaling baguhin nang lubusan ang mga kuru-kuro ng isang tao. Kung mahaharap ka sa parehong isyu sa hinaharap at muling nabubuo ang iyong kuru-kuro, anong uri ng problema iyon? Magpapatunay ito na malalim na nakabaon sa iyo ang kuru-kurong ito. Kahit na sa ilang bagay ay mabibitiwan mo ang mga kuru-kuro sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, sa iba pang mga bagay, hindi mo mabibitiwan ang mga ito. Maaaring madaling bitiwan ang isang kuru-kuro sa isang isyu, pero hindi madali para sa mga tao na lubusang lutasin ang kanilang mga kuru-kuro. Dapat makaunawa ng maraming katotohanan ang isang tao bago niya lubusang malutas ang kanyang problema tungkol sa mga kuru-kuro. Kinakailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan sa mga isyung nakakaharap nila, praktikal na maranasan at pahalagahan ang pagmamahal ng Diyos, at kinakailangang gumawa ang Diyos ng maraming gawa para makilala Siya ng mga tao. Tanging kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos lubusang maaalis ang problema nila ng pagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos.
Ang dapat ninyong suriin ngayon ay ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos at kung ano ang mga kuru-kurong ito, at pangunahing ibuod ang iba’t iba mong imahinasyon, salungatan, at hinihingi tungkol sa gawain ng Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kung paano gumagawa ang Diyos. Makakahadlang ang mga bagay na ito sa pagpapasakop mo sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at maaaring magsanhi na magkamali ka ng pagkaunawa at makaramdam ng pagkontra sa lahat ng bagay na ginawa sa iyo ng Diyos. Lubhang seryosong bagay ang gayong mga kuru-kuro at nararapat suriin ang mga ito. Halimbawa, binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos na humahatol at kumukondena sa mga tao at bumubuo sila ng mga kuru-kuro at nagsasabing, “Sinasabi ng Diyos na hindi Niya mahal ang mga taong katulad ko, kaya baka hindi Niya ako iligtas.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro? Ano ang ibubunga ng kuru-kurong ito? Kahit ano pang katiwalian ang mayroon ka o kahit anong uri ka pa ng tao, alam mong ayaw ng Diyos sa mga taong naghihimagsik laban sa Kanya, kaya bakit hindi ka nagsisisi? Kung tatanggapin mo ang katotohanan, iwawaksi ang iyong katiwalian at lubos na magpapasakop sa Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka ng Diyos? Bakit mo nililimitahan ang Diyos, sinasabing hindi ka Niya ililigtas? Hahadlangan ka ng mga negatibong kaisipang ito para huwag kang sumunod sa Diyos at maranasan ang Kanyang gawain, magiging dahilan ang mga ito para manatili kang walang pag-usad at mawalan ng pag-asa at magiging dahilan pa nga para itakwil mo ang Diyos. Lumilitaw sa ilang iglesia at lumilikha ng kaguluhan ang mga anticristo at masasamang tao, at sa paggawa nito ay nililihis nila ang ilang tao—ito ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? Ito ba ay pagmamahal ng Diyos, o ito ba ay paglalaro at pagbubunyag ng Diyos sa mga tao? Hindi mo ito maunawaan, hindi ba? Pinagseserbisyo ng Diyos sa Kanya ang lahat ng bagay upang gawing perpekto at iligtas ang mga nais Niyang iligtas, at ang nakakamit sa huli ng mga tunay na naghahanap sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ay ang katotohanan. Gayunman, nagrereklamo ang ilang hindi naghahanap sa katotohanan, at sinasabi nila, “Hindi tama na gumawa ang Diyos sa ganitong paraan. Nagdudulot ito sa akin ng labis na pagdurusa! Muntik na akong mapasama sa mga anticristo. Kung talagang isinaayos ito ng Diyos, bakit Niya hinahayaang mapasama ang mga tao sa mga anticristo?” Anong nangyayari rito? Ang hindi mo pagsunod sa mga anticristo ay nagpapatunay na taglay mo ang proteksyon ng Diyos; kung mapasama ka sa mga anticristo, iyan ay pagkakanulo sa Diyos at hindi ka na gusto ng Diyos. Kaya, mabuti ba o masamang bagay na nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia ang mga anticristo at masasamang taong ito? Sa panlabas, tila ito ay isang masamang bagay, ngunit kapag nabunyag ang mga anticristo at masasamang taong ito, lumalago ang pagkilatis mo, sila ay inaalis, at lumalago ang tayog mo. Kapag nakaharap mong muli ang gayong mga tao sa hinaharap, makikilatis mo na sila bago pa man nila maipakita ang tunay nilang kulay, at tatanggihan mo sila. Tutulutan ka nitong matuto ng mga aral at makinabang; malalaman mo kung paano kilatisin ang mga anticristo at hindi ka na malilihis ni Satanas. Kaya, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mabuting bagay ang panggugulo at panlilihis ng mga anticristo sa mga tao? Kapag dumanas sila hanggang sa yugtong ito, saka lamang makikita ng mga tao na hindi kumilos ang Diyos alinsunod sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at na pinahihintulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na walang habas na lumikha ng mga kaguluhan at pinahihintulutan Niya ang mga anticristo na ilihis ang mga hinirang ng Diyos nang sa gayon ay magamit Niya si Satanas sa Kanyang layunin upang gawing perpekto ang Kanyang mga hinirang, at saka pa lamang mauunawaan ng mga tao ang mga mabusising layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Dalawang beses na akong nalihis ng mga anticristo at hindi ko pa rin sila makilatis. Kung darating ang isa pang mas tusong anticristo, malilihis na naman ako.” Kung gayon, hayaan mong mangyari ulit ito nang sa gayon ay maranasan mo ito at matutunan mo ang leksiyon—dapat gawin ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan para mailigtas Niya ang sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas. Dalawang parirala ang magagamit dito para ilarawan kung paano gumagawa ang Diyos, at ang mga ito ay na ang iba’t ibang paraan kung saan gumagawa ang Diyos ay pambihira at lagpas sa imahinasyon ng mga ordinaryong tao. Bakit Ko inilalarawan ang gawain ng Diyos gamit ang dalawang pariralang “pambihira” at “lagpas sa imahinasyon”? Ito ay dahil hindi maunawaan ng tiwaling sangkatauhan ang mga bagay na ito at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kung paano gumagawa ang Diyos, o ang karunungan ng Diyos sa Kanyang pakikipaglaban kay Satanas—walang maisip ang buong sangkatauhan tungkol sa mga bagay na ito. Kaya paano pa rin nagagawa ng mga tao na magkimkim ng mga ideya at kuru-kuro? Ito ay dahil natututo sila ng kaunting kaalaman, nakakaunawa ng kaunting doktrina, at mayroon silang sarili nilang mga kagustuhan, at kaya bumubuo sila ng mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon. Pero pagdating sa mga usapin ng espirituwal na mundo at sa gawaing ginagampanan ng Diyos, hindi man lang nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Sa mga huling araw, tuwirang hinaharap ng Lumikha ang buong sangkatauhan at binibigkas ang Kanyang mga salita. Ito ang unang pagkakataong nangyari ito mula nang likhain ang mundo. Ibig sabihin, hinaharap Niya ang buong sangkatauhan at hayagan Siyang gumagawa sa ganitong paraan, isinasapubliko ang Kanyang plano ng pamamahala at pagkatapos ay ipinapatupad ito at isinasakatuparan ito sa gitna ng sangkatauhan—ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Walang alam ang mga tao at mga estranghero sila sa mundong ito ng kaisipan ng Diyos, ng diwa ng Diyos, at sa paraan ng paggawa ng Diyos, kaya normal para sa mga tao na magkimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay na ito, pero hindi ibig sabihin na umaayon ang mga ito sa katotohanan. Kahit gaano pa kanormal ang mga kuru-kuro ng mga tao, salungat pa rin ang mga ito sa katotohanan, hindi ito nakaalinsunod sa mga salita ng Diyos, at hindi tugma ang mga ito sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi malulutas ang mga kuru-kurong ito sa tamang oras, magiging malaking balakid ang mga ito sa pagdanas ng mga tao sa gawain ng Diyos at sa sarili nilang buhay pagpasok. Kaya, pagdating sa mga kuru-kuro ng tao, gaano man umaayon ang mga ito sa mga imahinasyon at ideya ng mga tao, hangga’t hindi nakaalinsunod ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, sumasalungat itong lahat sa katotohanan at kumokontra sa Diyos, at hindi kaayon ng Diyos ang mga ito. Kahit gaano pa nakaayon sa mga imahinasyon ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, dapat laging subukan ng mga tao na kilatisin ang mga ito; talagang hindi nila dapat bulag na lamang na tanggapin ang kanilang mga kuru-kuro. Ano ang dapat tanggapin ng sangkatauhan? Dapat tanggapin ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang lahat ng positibong bagay na galing sa Diyos. Para naman sa mga bagay na nauukol kay Satanas, kahit gaano pa iniisip ng mga tao na mabuti o nakaayon sa sarili nilang mga imahinasyon ang mga bagay na ito, hindi nila dapat tanggapin ang mga ito, sa halip, dapat nilang itakwil ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng mga tao ang pagpapasakop sa Diyos at makakatugon sa mga hinihingi ng Lumikha.
Malulutas lamang ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa paggamit ng katotohanan; hindi maisasantabi ang mga ito sa pamamagitan ng pangangaral ng doktrina at ng pagbibigay ng panghihikayat—hindi ito ganoon kadali. Walang paninindigan ang mga tao sa mga matuwid na bagay, pero madali silang kumapit sa iba’t ibang kuru-kuro o sa mga buktot, baluktot na bagay, na nahihirapan silang isantabi. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malaki o maliit man ang mga kuru-kuro ng mga tao, malubha man o hindi, kung wala silang mga tiwaling disposisyon, madaling malulutas ang mga kuru-kurong ito. Sa huli, ang mga kuru-kuro ay isang paraan lamang ng pag-iisip. Pero dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, gaya ng pagmamataas, pagiging mapagmatigas, at maging ang kabuktutan, nagiging mitsa ang mga kuru-kuro na nagsasanhi sa mga tao na makipagtunggali sa Diyos, magkamali ng interpretasyon sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos. Sino ang patuloy na makakapagpasakop at makapupuri sa Diyos kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya? Wala. Sa pagkikimkim ng mga kuru-kuro, nakikipagtunggali lang ang mga tao sa Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Kanya, hinuhusgahan nila Siya, at kinokondena pa nga nila Siya. Sapat na ito para ipakita na lumilitaw ang mga kuru-kuro mula sa mga tiwaling disposisyon, ang paglitaw ng mga kuru-kuro ay ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at ang lahat ng tiwaling disposisyon na nabubunyag ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “May mga kuru-kuro ako, pero hindi ako lumalaban sa Diyos.” Mapanlinlang ito. Kahit wala silang sabihin, sa puso nila, nakikipagtunggalian pa rin sila, at mapagtunggali ang kanilang pag-uugali. Maaari pa rin bang magpasakop sa katotohanan ang gayong mga tao kapag ganito sila? Imposible ito. Pinamumunuan ng isang tiwaling disposisyon, kumakapit sila sa kanilang mga kuru-kuro—dulot ito ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, habang nalulutas ang mga kuru-kuro, nalulutas din ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, marami sa mga kaisipan nilang isip-bata, at maging ang mga bagay na naging kuru-kuro na, ay hindi na isyu para sa kanila; mga kaisipan na lamang ang mga ito, at hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Magkakaugnay ang mga kuru-kuro at tiwaling disposisyon. Minsan, ang isang kuru-kuro ay nasa puso mo, pero hindi nito pinangungunahan ang mga kilos mo. Kapag hindi ito nakakaapekto sa iyong mga agarang interes, binabalewala mo ito. Gayunpaman, ang pagbalewala rito ay hindi nangangahulugang walang tiwaling disposisyon sa iyong kuru-kuro, at kapag may nangyaring salungat sa iyong kuru-kuro, kumakapit ka rito nang may isang partikular na saloobin, isang saloobing pinangingibabawan ng iyong disposisyon. Maaaring pagiging mapagmatigas ang disposisyong ito, maaaring kayabangan ito, at maaaring kalupitan ito; nagsasanhing magpadalos-dalos ka sa pagsasalita sa Diyos, sinasabing, “Ilang beses nang napatunayan sa akademya ang aking mga pananaw. Pinanghawakan na ito ng mga tao sa loob ng libo-libong taon, kaya bakit ako hindi puwede? Ang mga bagay na sinasabi Mo na salungat sa mga kuru-kuro ng tao ay mali, kaya paanong nasasabi Mo pa rin na katotohanan ang mga ito, na nakahihigit ang mga ito sa lahat? Ang perspektiba ko ang siyang pinakamataas sa buong sangkatauhan!” Ang isang kuru-kuro ay maaaring mauwi sa pagkilos mo nang ganito, at sa gayong pagmamayabang. Ano ang nagsasanhi nito? (Ang mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan, dulot ito ng mga tiwaling disposisyon. May direktang ugnayan sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at dapat malutas ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag nagawan na ng paraan ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos, nagiging madali na para sa kanila na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya mas maayos na nilang nagagampanan ang kanilang tungkulin, hindi na sila dumadaan sa mga pasikot-sikot na landas, hindi na sila nanggagambala o nanggugulo, at hindi na sila gumagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Kapag hindi nagawan ng paraan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, nagiging madali para sa kanila na gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Sa mas malulubhang kaso, ang mga kuru-kuro ng mga tao ay maaaring magbunga ng iba’t ibang salungatan sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagdating sa mga kuru-kuro, siguradong maling pananaw ang mga ito na salungat sa katotohanan, ganap na kontra sa katotohanan, at maaaring magsanhi ang mga ito na umusbong ang iba’t ibang uri ng mapagtunggaling damdamin tungkol sa Diyos. Nagiging dahilan ang tunggaliang ito para kuwestiyunin mo si Cristo at para hindi mo magawang tanggapin Siya o na magpasakop ka sa Kanya, habang naaapektuhan din nito ang pagtanggap mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad. Sa mas malulubha pang kaso, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay sanhi upang itatwa nila ang gawain ng Diyos, ang mga paraan ng paggawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos—at kung magkagayon ay wala silang anumang pag-asang maligtas. Sa alinmang aspekto ng Diyos may mga kuru-kuro ang mga tao, sa likod ng mga kuru-kurong ito ay nagtatago ang mga tiwali nilang disposisyon, na maaaring magpalala sa mga tiwaling disposisyon na ito, na nagbibigay sa mga tao ng mas marami pang dahilan para harapin ang gawain ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang disposisyon ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t hinihimok sila nito na labanan ang Diyos gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Ito ang bunga sa tao ng mga kuru-kuro.
Bagamat madalas na nating napag-usapan noong nakaraan ang tungkol sa mga kuru-kuro ng tao, hindi tayo kailanman sistematiko at detalyadong nagbahaginan tungkol sa kung anong mga aspekto at usapin ang may mga kuru-kurong kinikimkim ang mga tao, at kung anong uri ng mga kuru-kuro ang binubuo nila. Sa pamamagitan ng punto-por-puntong pagbabahagi at pagsusuri sa ganitong paraan ngayon, binigyan Ko kayo ng malinaw na gabay para alam ninyo kung anong uri ng mga kuru-kuro ang mayroon kayo, at para magkaroon kayo ng landas para lutasin ang mga ito nang isa-isa. Kung isa-isang malulutas ng mga tao ang mga kuru-kurong ito, lalong magiging malinaw sa kanila ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Sa ganitong paraan, lalo ring magiging malinaw ang landas nila pasulong, at lalong titibay at magliliwanag ang landas na nilalakaran nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos habang palayo sila nang palayo.
Setyembre 20, 2018