Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok

Saan ba dapat magsimula ang isang tao kapag tinatahak ang unang hakbang sa buhay pagpasok? Ano ang kailangang taglayin ng isang tao upang magkaroon ng buhay pagpasok? Ano ang mga pinakakritikal at pinakamahalagang bagay na dapat hangarin at matamo ng isang tao upang makapasok sa mga katotohanang realidad? Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Ano ang buhay pagpasok? Ang buhay pagpasok ay isang pagbabago sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao, sa kanilang mga kilos, sa direksyon ng buhay nila, at sa layuning hinahangad nila. Sa pagiging dating hangal at ignorante, at sa laging pagkilos ayon sa mga iniisip, kuru-kuro, at imahinasyon ng laman, ang isang tao ngayon, sa pamamagitan ng pagsisiwalat, pagdidilig, at paglalaan ng Diyos, ay maaaring maunawaan na dapat silang kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, sumailalim na sa isang pagbabago ang taong ito dahil sa mga salita ng Diyos, sa pang-araw-araw na buhay, patungkol sa kanilang mga pananaw at estilo ng kanilang pag-kilos, at patungkol sa kanilang direksyon at mga layunin sa buhay. Ito ang buhay pagpasok. Ano ang batayan ng buhay pagpasok? (Ang mga salita ng Diyos.) Tama iyon. Hindi mahihiwalay ang pagpasok sa buhay sa mga salita ng Diyos; hindi ito maihihiwalay sa katotohanan; ang bawat salitang binibigkas ng Diyos ay ang katotohanan. Ano ang namamalas sa mga taong nagkamit na ng buhay pagpasok? (Nagagawa nilang umasa sa mga salita ng Diyos upang mabuhay.) Tama iyon. Nagagawa nilang umasa sa mga salita ng Diyos upang mabuhay. Ang kanilang mga kilos, pananalita, iniisip tungkol sa mga problema, palagay, paninindigan, at pananaw ay umaasang lahat sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng pagkakamit ng buhay pagpasok. Kung gayon, saan ba pangunahing nauugnay ang buhay pagpasok? (Sa mga salita ng Diyos.) Nauugnay ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kaya ngayon, matutukoy ba ang isang taong may buhay pagpasok bilang isang taong naghahangad sa katotohanan, at ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan bilang isang taong may buhay pagpasok? (Oo.) Ano ang mithiin ng pagtukoy sa mga bagay sa ganitong paraan? Sa anong direksyon natin dapat ituon ang ating pagbabahaginan? (Sa paghahangad sa katotohanan.) Ang paghahangad sa katotohanan ay ang pangunahing paksang nais Kong ibahagi ngayong araw. Sa kasalukuyan, hindi masyadong malinaw sa inyo ang kaugnayan ng buhay pagpasok at ng paghahangad sa katotohanan—hindi ninyo ito masyadong napapansin. Palagi Akong nagbabahagi tungkol sa buhay pagpasok at mga disposisyonal na pagbabago, at sa paghimay sa landas ni Pablo. Ano ang pangunahing paksang pinatutungkulan nito? Ito ay ang paghahangad sa katotohanan. Kahit pa himayin Ko ang landas na sinundan ni Pablo, o talakayin ang landas sa pagiging perpekto na sinundan ni Pedro—anupaman ang talakayin Ko, sa huli, anong uri ng landas ba ang minimithi Kong pasundan sa lahat ng tao? (Ang landas ng paghahangad sa katotohanan.) Kapag nagagawa ng mga taong hangarin ang katotohanan, makapasok sa mga katotohanang realidad, mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, unawain ang mga layunin ng Diyos, at gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, hindi ba’t nagiging malinaw ang mga mithiing hinahangad ng mga tao, at ang mga landas na kanilang sinusundan? (Oo, ganoon nga.) Ang paghahangad sa katotohanan ay isang paksang imposibleng maiwasan ng mga tao kapag sumasampalataya sila sa Diyos, naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon, at naghahangad ng kaligtasan. Tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang siyang mga tunay na mananampalataya, at siyang makapagtatamo ng kaligtasan. May ilang tao na may marubdob na damdamin at handang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, ngunit posibleng hindi talaga sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Bagama’t ang lahat ng tao ay handang maghangad sa katotohanan, may ilang taong mahina ang kakayahan, wala silang kakayahang makaarok at hindi nila maarok ang katotohanan. May ilang taong walang espirituwal na pang-unawa; kahit paano pa sila makinig sa mga sermon, kailanman ay hindi sila nakauunawa, ni hindi rin sila nakauunawa kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Palagi nilang naaarok ang mga bagay sa isang baluktot na paraan, at sinusubukan nilang gumamit ng mga regulasyon. Ang mga ito ay mga taong walang espirituwal na pang-unawa. May mga tao sa iglesia na may espirituwal na pang-unawa, at mga taong walang espirituwal na pang-unawa; may mga taong mahina ang kakayahan na walang kakayahang makaarok, at mga taong mahusay ang kakayahan na may dalisay na pag-arok sa mga salita ng Diyos; may mga taong naghahangad sa katotohanan, at mga taong hindi. Ang lahat ng iba’t ibang uri ng taong ito ay may iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas, at dapat mong makilatis nang malinaw ang pagkakaiba-iba nila.

Simulan natin sa pagtalakay sa unang uri ng tao—ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Halimbawa, pagbabahaginan natin ang isang aspekto ng katotohanan, at pagkatapos nating pagbahaginan ang aspektong ito ng katotohanan at ang mga kalagayan, saloobin, layunin, at pagpapamalas ng mga tao, may ilang taong hindi nakauunawa sa tinalakay, hindi nakauunawa sa pinagbahaginan, na hindi kayang ikumpara ang sarili nila rito, at hindi alam kung ano ang kaugnayan ng kanilang pag-uugali at mga pagpapamalas, ng kanilang tiwaling disposisyon, at ng kanilang kalikasang diwa sa katotohanang napagbahaginan. Hindi rin nila alam kung ano ang kinalaman nito sa mga bagay na hinahangad nila sa kanilang buhay, o kung bakit ipinangaral ang sermong ito—ang tanging nauunawaan nila rito ay doktrina, at iniisip nilang may kinalaman ito sa mga regulasyon. Kapag may nagtatanong sa kanila kung ano ang naunawaan nila, sinasabi nila, “Bagama’t maraming paksa ang napagbahaginan ngayong araw, iisa ang pangunahing punto nito: Kung may mangyari man, higit ka pang magdasal.” May ibang nagsasabing, “Nauunawaan ko. Hinihikayat ng Diyos na maging mabuti ang mga tao, hindi gumawa ng masasamang bagay, at gumawa ng maraming mabubuting bagay. Gusto ito ng Diyos.” May iba pa ngang nagsasabing, “Sinasabi ng Diyos sa mga tao na dapat nilang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at ilaan ang malaking bahagi ng kanilang oras at serbisyo.” Naunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Iniisip ng lahat ng taong ito na naunawaan na nila ang Kanyang mga salita, ngunit ang totoo ay nangangapa sila sa dilim, at isang pangungusap lang mula sa Kanyang mga salita ang pinanghahawakan nila. Masyadong may kinikilingan ang kanilang pang-unawa, at hindi talaga nila nauunawaan ang ibig sabihin ng Diyos. Para sa mga taong hindi nakauunawa sa mga salita ng Diyos, kahit gaano pa karami ang sabihin ng Diyos, ang nakikita lang nila ay mga regulasyon, doktrina, isang uri ng teorya, isang uri ng perspektiba, o isang uri ng kasabihan. Pagdating sa pagsasagawa nito, paano nila ito isinasagawa? Halimbawa, kapag pinag-uusapan natin ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos, pagkatapos makinig ay sinasabi nila, “Gagawin ko ang anumang ipagagawa sa akin ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pakikinig sa Kanyang mga salita at pagpapasakop sa Kanya.” Hindi ba’t napakasimple naman nito? Iyon lamang ang kaya nilang unawain. Hindi nila nauunawaan kung anong paraan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ang tunay na pagpapasakop sa Kanya, kung paano hanapin ang mga layunin ng Diyos at makamit ang pagpapasakop sa Diyos, kung paano sundin ang patnubay ng Banal na Espiritu, at kung paano isagawa ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, lalo na kung paano pumanig sa Diyos at protektahan ang gawain ng iglesia. Habang mas may kinalaman ang isang bagay sa mga katotohanang mahalaga sa pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi nila ito kayang arukin. Ang alam lang nilang gawin ay sumunod sa mga regulasyon. Ito ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Bukod sa pagsunod sa mga regulasyon at pananatili sa nakagawian nilang paraan ng pag-iisip, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi tinatablan ng katwiran. Ano ang pangunahing pagpapahayag ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? (Pagsunod sa mga regulasyon.) Ito ay pagsunod sa mga regulasyon. Madalas silang kumuha ng isang pangungusap o isang pangyayari at itinatakda ito bilang isang regulasyon o paraang susundan. Kung gayon, itinuturing din ba ng mga taong ito ang katotohanan sa ganitong paraan? (Oo.) Naaalala ng mga walang espirituwal na pang-unawa ang isang aspekto ng mga pagpapamalas ng katotohanan na ibinahagi mo ngayon; itinatakda nila ang mga salita at pag-uugaling iyon bilang mga regulasyong dapat isagawa, kung saan inaalala nang walang palya ang bawat isa sa mga ito. Pagkatapos, sa susunod, kapag naharap sa ibang sitwasyon, kung walang sinumang magbabahagi, iaangkop nila ang mga naunang pamamaraan at regulasyon nang walang pagtatangi, at isasagawa ang mga ito. Isa itong tunay na pagpapamalas ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ano ang nararamdaman ng ganoong mga tao habang sumusunod sila sa mga regulasyon? (Pagod.) Hindi sila nakakaramdam ng pagod; kung sakali man, titigil sila. Pakiramdam nila ay isinasagawa nila ang katotohanan; hindi nila nadarama na sumusunod sila sa isang kalipunan ng mga regulasyon, ni hindi nila nadarama na wala silang espirituwal na pang-unawa. Lalong hindi nila nadarama na hindi nila naunawaan ang katotohanan, o na wala silang pang-unawa sa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Bagkus, iniisip nilang naunawaan na nila ang praktikal na bahagi ng katotohanan, gayundin ang mga prinsipyo ng aspektong iyon ng katotohanan; kasabay nito, iniisip nilang naunawaan na nila ang mga layunin ng Diyos, at kung makakakilos sila ayon sa kanilang mga regulasyon, makakapasok na sila sa aspektong iyon ng katotohanang realidad, matutupad ang mga layunin ng Diyos, at maisasagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? (Oo, ito nga.) Naaayon ba sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos ang paraan ng pag-iisip na ito? Isa ba talagang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan ang pagsasagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga regulasyon? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil kapag may nangyayari, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi sila nagsisikap na pag-isipan ang bagay na iyon; pilit lang nilang pinanghahawakan ang dati na nilang paraan ng paggawa sa mga bagay.) Ganito kumilos ang uri ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa—pilit nilang pinanghahawakan ang mga dating gawi, tamad sila, hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag may mga nangyayari, at hindi nila pinag-iisipan o sinisiyasat ang mga bagay. Isa pa, kahit pa magsiyasat sila, nagagawa ba nilang unawain kung ano ang ibig sabihin nito? (Hindi.) Bakit hindi sila nakauunawa? (Dahil wala silang espirituwal na pang-unawa.) Tama. Ang pinakaugat nito ay walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong tulad nito, at hinding-hindi nila mauunawaan ang katotohanan.

Ang totoo, sa kanilang mga puso, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay handang maghangad ng katotohanan, ngunit mali ang paraan ng paggawa nila rito. Sa tumpak na pananalita, pangunahin silang umaasa sa pagsunod sa mga regulasyon, pagkilos ayon sa mga patakaran, at pagsunod sa doktrina, o paggamit ng mga paraan ng ibang tao sa paggawa ng mga bagay-bagay, at panggagaya sa mga salita ng mga ito. Kaya, ano ang diwa ng ganitong uri ng tao? Bakit itinuturing nila ang pagsunod sa mga regulasyon bilang pagsasagawa sa katotohanan, at iniisip na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay paghahangad sa katotohanan? Bakit ba nangyayari ang ganitong problema? May pinag-ugatan ito—nakikita ba ninyo? (Itinuturing nila ang kanilang mga pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon bilang ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila tunay na naarok ang mga layunin ng Diyos.) Bahagi itoniyon. Ano pa? (Mapagmataas sila at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at kapag may nangyayari, hindi nila hinahanap ang katotohanan. Itinuturing nilang katotohanan ang mga bagay na sa palagay nila ay tama.) Ganito ang ilang taong walang espirituwal na pang-unawa, ngunit hindi ito ang ugat ng problema. Ano ang nagdulot sa mga taong tulad nito na magpamalas sa ganitong paraan? Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa at mahilig sumunod sa mga regulasyon ay lubhang taimtim makinig ng mga sermon, lalo na kapag patungkol ito sa kanilang pagsasagawa. Halimbawa, kung paano gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kung paano gawin ang mga bagay na dapat nilang gawin nang maayos. Nakikinig sila, ngunit ang pangunahing problema ay hindi nila kayang ikumpara ang kanilang kalagayan at ang naririnig nila sa sermon. Halimbawa, kung tinatalakay nito ang pagrerebelde ng mga tao, pagkatapos nilang makinig, iniisip nila, “Mapaghimagsik? Hindi ako! Kung bawal maging mapaghimagsik ang mga tao, kung mahaharap ako sa ganitong sitwasyon sa hinaharap, hindi ako dapat magsalita. Dapat ay tiisin ko na lang ito, at basahin ang tono at mga ekspresyon ng mukha ng mga tao. Titingnan ko kung ano ang sasabihin ng mga tao sa paligid ko, at kung paano nila gagawin ang mga bagay-bagay, at tutularan ko iyon. Pagkatapos ay hindi ako magiging mapaghimagsik, tama ba?” Pagkatapos makinig sa isang sermon, ang nagiging mga kongklusyon nila ay pawang sarili lamang nilang mga lohika at pamamaraan ng pagsasagawa. Wala silang tugon sa lahat ng kalagayang inilantad sa sermon, at hindi nila maikumpara ang kanilang mga sarili rito. Magulo ang isipan nila. Ano ang ibig Kong sabihin sa “magulo”? Hindi nila alam kung ano talaga ang tinatalakay sa sermon. Sa loob-loob nila, iniisip nila, “Ano ba ang pinagbabahaginan? Bakit ba hindi gumamit ng mas simpleng mga termino? Ngayon, ang bagay na ito ang pinagbabahaginan, at bukas, ibang bagay naman.” Mula sa perspektiba nila, madali lang ang pagsasagawa ng katotohanan: Gawin mo lang ang ipinagagawa sa iyo. Pagdating sa lahat ng kalagayan at tiwaling disposisyong inilantad sa sermon, hindi nila maikumpara ang mga iyon sa kanilang mga sarili. Naguguluhan at nabablangko sila pagdating sa kung anong mga kaisipan, ideya, at iba’t ibang tiwaling disposisyon ang ipinakikita ng mga tao sa bawat uri ng sitwasyon sa proseso ng buhay pagpasok. Hindi nila kayang tukuyin ang pagkakaiba-iba ng mga detalye, ni ihambing ang kanilang sarili. Ano ba ang nararamdaman ng mga taong hindi kayang ihambing ang kanilang sarili matapos mapakinggan ang katotohanan? (Iniisip nilang ibang tao ang tinutukoy nito, at na wala itong kinalaman sa kanila.) Tama iyon. Ito ang pangunahing katangian nila; hindi nila kayang ihambing ang kanilang sarili. Kapag nakakikita sila ng mga salitang naglalantad sa mga tiwaling kalagayan ng mga tao, iniisip nilang ibang tao lang ang tinutukoy nito. Kaya nilang aminin kapag mga karaniwan o tipikal na problema ng mga tao ang nalalantad, ngunit pagdating sa mga salitang tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon o sa mga diwa ng mga tao, talagang hindi nila ito tinatanggap; hindi nila ito aaminin anuman ang sitwasyon—para bang ang pag-amin dito ay mangangahulugang nakondena sila. Ito ang problemang taglay ng lahat ng taong walang espirituwal na pang-unawa. Kapag nahaharap sila sa paglalantad ng Diyos sa bawat uri ng kalagayan at pagpapamalas ng mga tao, at sa bawat paraang nahahayag ang kanilang kalikasang diwa, hindi nila tinatanggap ang alinman dito, ni ikinukumpara ang kanilang sarili rito o nagninilay-nilay. Sa halip, madalas nilang tinatanggap ang mga salita at problemang ito at ipinalalagay na patungkol sa ibang tao ang mga ito, iniisip na wala itong kinalaman sa kanila. Bukod sa hindi tinatanggap ng ganitong mga tao ang katotohanan, hindi rin normal ang mga paraan ng pag-iisip nila, malabo at paligoy-ligoy ang kanilang mga salita, at ang tanong na sinasagot nila ay hindi ang itinanong mo. Halimbawa, kung tatanungin mo sila kung kumain na sila, sasabihin nilang ayaw nila ng tubig; kung tatanungin mo sila kung inaantok sila, sasabihin nilang hindi sila nauuhaw. Madalas silang nasa ganitong uri ng magulong kalagayan, at litong takbo ng isipan. Ganito nagpapamalas ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. May mga taong walang espirituwal na pang-unawa sa bawat iglesia. Bagama’t may mga magkakatulad silang problema, may maliliit ding pagkakaiba sa mga ito. May mga tao bang ganap na walang espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang wala pang tatlong taon ay malabo ang pagkaunawa sa mga bagay na tulad ng pananampalataya sa Diyos, buhay pagpasok, paghahangad sa katotohanan, paghahangad sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon, at paggawang perpekto sa kanila. Umaasa lang sila sa silakbo ng damdamin upang magawa ang kanilang tungkulin, ginagawa ang ganito o ganyan para sa Diyos, at nasa yugto ng pagsisikap at pagtatrabaho. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, at talagang wala silang konsepto ng buhay pagpasok at paghahangad sa katotohanan. Gusto lang nilang gumawa ng mga bagay na nakikita sa panlabas, at sumasandig sila sa silakbo ng kanilang damdamin upang magawa ito. Ang mga ito ay mga taong ganap na walang espirituwal na pang-unawa. Ang isa bang taong ganap na walang espirituwal na pang-unawa sa yugtong ito ay maaaring mabansagan na isang taong hindi naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Hindi pa sila masyadong matagal na sumasampalataya sa Diyos, kaya hindi pa sila maaaring bansagan. Dahil nasa yugto pa sila ng marubdob na yugto, wala silang anumang nauunawaan tungkol sa mga layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, sa landas ng mga tao tungo sa kaligtasan, o sa iba’t ibang landas na sinusundan ng bawat uri ng tao, kaya’t mapalalagpas naman ang kawalan nila ng espirituwal na pang-unawa; normal na bagay ito. Gayunpaman, para sa mga taong nauunawaan na kung ano ang buhay pagpasok, at nasimulan nang maging pamilyar sa lahat ng katotohanang tumutukoy sa buhay pagpasok at sa pagbabago ng mga disposisyon, mayroon ba sa kanila na ganap na walang espirituwal na pang-unawa? (Oo, mayroon.) May mga ganito pa rin. Kahit na ang isang taong ganap na walang espirituwal na pang-unawa ay handa sa kanyang puso na maghangad sa katotohanan, hindi niya ito matatamo, kaya masasabi nang may katiyakan na ang mga taong ganap na walang espirituwal na pang-unawa ay imposibleng maging mga taong naghahangad sa katotohanan, at talagang imposible na ang kanilang mga pagpapamalas ay magiging mga pagpapamalas ng isang taong naghahangad sa katotohanan.

Ano ang iba’t ibang paraan ng pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa at ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay pundamental na walang kamalayan at walang alam sa mga katotohanang ibinahagi ng Diyos, pati na sa mga kalagayan, konteksto, at indikasyon ng Kanyang mga salita, at hindi nila kayang ihambing ang kanilang sarili rito. Lubos na kabaligtaran naman ang mga taong may espirituwal na pang-unawa. Halimbawa, kung magbabahagi Ako tungkol sa pagrerebelde ng mga tao, at na nakapaloob sa pagrerebelde ang pagiging mapagmatigas, pagiging makasarili, at mapagmatigas na kahangalan, pati na ang mga maling pagkaunawa sa Diyos, at paglaban at pagsalungat sa Kanya, kapag tinatalakay Ko ang mga kalagayang tumutukoy sa paksang ito, nagbibigay man Ako ng halimbawa, tinatalakay Ko man ang tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, o tinatalakay ang isang kalagayang umiiral sa iyong puso, o nagbabahagi ng mga paksang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kung talagang nauunawaan mo ang iyong naririnig, isa kang taong may espirituwal na pang-unawa. Kung nauunawaan mo ang iyong naririnig at naisasagawa mo ito, isa kang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kapag naririnig ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang mga salita ng Diyos, kaya nilang makaarok nang dalisay, at kaya pa nga nilang maunawaan ang katotohanan. Kahit ano pa ang talakayin ng Diyos, nakasasabay sila, at naihahambing nila ang kalagayan nila sa mga salita ng Diyos, at kaya nilang maghanap ng landas na isasagawa. Ito ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Pagkatapos basahin ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang mga salita ng Diyos, gumagaan ang loob nila at may nakakamit sila mula rito. Lubhang malaya ang kanilang espiritu, at nararamdaman nilang may landas silang masusundan. Samakatuwid, sa tuwing nakikinig sila sa isang sermon ay may natatamo sila rito, at sa tuwing nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, sila ay napalalakas. Ganito naipapamalas ang espirituwal na pang-unawa. Kahit ano pa ang ibahagi ng Diyos, pagkatapos itong marinig ng mga taong may espirituwal na pang-unawa, may lilitaw na mga imahe sa kanilang mga isipan, at kapag inilalantad ng Diyos ang mga kalagayan ng mga tao, nakapaghahambing sila. Kapag tinatalakay Niya ang tungkol sa mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, inilalapat nila ito sa kanilang kalagayan, at napagtatanto nila, “Ang hinihingi kong ito, at itong mga imahinasyon ko, sa totoo, ay mga maling pagkaunawa pala sa Diyos.” Napagtagpi na nila ito. Kapag tinatalakay Niya ang tungkol sa paglaban at pagsalungat sa Diyos, kung taglay nila ang parehong mga emosyong ito, namumuhay sila sa parehong mga kalagayan, at nasa kalooban nila ang ganitong mga disposisyon at diwa, maikukumpara nila ang mga iyon. Anong uri ng mga bagay ang magagamit nila sa pagkukumpara? Ang mga kaisipan, ideya, o ang mga kilos at pag-uugaling ipinapakita nila; ang lahat ng ito ay magagamit sa pagkukumpara. Kapag nauunawaan ng mga tao ang sinasabi ng Diyos, at nauunawaan nila kung ano mismo ang tinatalakay Niya, at alam nila kung ano ang pag-uugali, mga paghahayag, mga pagpapamalas, mga kalagayan, at mga diwa nila na tumutugma sa mga kalagayang inilantad ng Diyos, at tinalakay sa mga sermon, nakapagpamalas sila ng espirituwal na pang-unawa. Masasabi ba ninyo kung mayroon kayong espirituwal na pang-unawa o wala? (Minsan ay mayroon, at minsan ay wala.) Maitatama ito, ngunit kung talagang wala kayo nito, magdudulot ito ng problema. Kung kadalasan ay alam ninyo kung ano ang tinatalakay ng mga salita ng Diyos, kahit na hindi ninyo ito maihambing sa inyong sarili, ngunit alam ninyong may ganitong uri kayo ng mga kalagayan, o napansin ninyo ang mga ito sa ibang tao, at alam ninyo ang aspektong ito ng katotohanan, at kung paano kayo dapat pumasok, maituturing na itong pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Gayunpaman, nakapagpapamalas ba ang ganitong uri ng tao ng espirituwal na pang-unawa sa tuwing nakaririnig siya ng sermon? Hindi, kung minsan ay mayroon siyang espirituwal na pang-unawa, at kung minsan ay wala. Dahil maraming aspekto ng katotohanan ang tinatalakay ng buhay pagpasok. May ilang katotohanang iyong nauunawaan at napasukan na, at iba na hindi mo nauunawaan at hindi mo pa napapasukan. May ilang katotohanang hindi mo talaga naranasan, at ni hindi mo pa nga nalalaman. Ngayon ay alam mo na ito, ngunit mahirap sabihin kung kaya mo itong arukin o hindi, at maaari ka pa ngang magkaroon ng mga kuru-kuro o maling pagkaunawa rito. Gayunpaman, normal lang ito. Kung may nauunawaan kang ilang aspekto ng katotohanan, ang mga iyon ay mga aspekto kung saan mayroon kang espirituwal na pang-unawa; kung may ilang aspekto ng katotohanan na hindi mo nauunawaan, ang mga iyon ay mga aspekto kung saan wala kang espirituwal na pang-unawa; kung may ilang aspekto ng katotohanan na hindi mo pa nalalaman at medyo bago pa sa iyo, o may mga kuru-kuro ka pa nga sa mga iyon, ang mga iyon ay mga aspekto kung saan lalo kang walang espirituwal na pang-unawa. Dapat kang dumaan sa isang panahon ng pagdanas hanggang sa maunawaan mo ang katotohanan bago ka magkaroon ng espirituwal na pang-unawa sa mga aspektong iyon. Halimbawa, may ilang taong may mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ngunit iniisip pa rin nila, “Hindi ako nagkamali ng pagkaunawa sa Diyos, kailanman ay hindi ako nagkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Mahal na mahal ko ang Diyos! Kaya paano ako magkakamali ng pagkaunawa sa Kanya?” Ito ang mga salitang binibigkas ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Kung sinasabi mong “Madalas na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, ngunit hindi nila ito kayang kontrolin; nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa sa anumang oras at saanmang lugar. Gayunpaman, sa ngayon, tila wala akong kamalayan sa anumang aspektong nagkaroon ako ng maling pagkaunawa sa Diyos, o naging salungat sa Kanya. Kailangan kong suyurin ang mga bagay-bagay, magkaroon ng mga karanasan, at magdasal sa Diyos at hilingin sa Kanyang mamatnugot ng mga sitwasyon upang mahayag ang mga bagay na ito sa akin.” Maganda ito. Ito ang hiling na dapat ninyong isaisip—dapat ay patuloy kayong magsumikap na bumuti. Kung may magsasabing, “Kahit kailan ay hindi ako nagkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Ibang tao ang tinutukoy nito,” ipinakikita ng katunayang nakapagsasabi siya ng ganoong katawa-tawang bagay na wala siyang espirituwal na pang-unawa. Ano ang mga disposisyong pangunahing inihahayag ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? Pagmamataas at mapagmatigas na kahangalan. Ano ang mapagmatigas na kahangalan? Ang ibig sabihin nito ay kapwa ka hangal at matigas ang ulo. Paano ba ito naipapamalas sa kongkretong pananalita? (Wala silang kamalayan sa mga tiwaling disposisyong nakikita ng lahat ng tao, at iniisip nilang wala sila ng mga disposisyong ito. Masyado rin silang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at iniisip nilang talagang nasa tama sila.) Bukod sa iniisip nilang wala sila ng aspektong ito ng katiwalian, iniisip din nilang maayos ang lagay nila. Nakokontrol ang loob nila ng mapagmataas nilang disposisyon, at iniisip nilang hinding-hindi sila gagawa ng ganoong bagay. Anuman ang sabihin ng ibang tao, hangga’t wala silang napagtatanto, nakikita, o nararanasang bagay, iisipin nilang hindi ito kinakailangang pagnilayan at unawain, o tanggapin. Mapagmatigas na kahangalan ito. Ano pa ang ibang paraan ng paglalarawan sa mapagmatigas na kahangalan? Ito ay kapag hindi ka tinatablan ng katwiran. May iba pa bang termino? (Kamangmangan.) Oo, malaki ang kaugnayan ng mapagmatigas na kahangalan sa kamangmangan—kapwa iyon hangal at mapagmatigas. Halimbawa, sinasabi ng ibang tao, “Dapat kang mag-ingat. Ang palaging pag-inom ng malamig na tubig ay maaaring makapagpabagal ng panunaw at magdulot sa iyo ng pananakit ng tiyan.” At tumutugon sila, “Napakalusog ng katawan ko. Wala akong diperensiya. Nag-aalala ka sa wala.” Hindi ba’t mapagmatigas na kahangalan ito? (Oo.) Tila napakatigas ng ulo at napakahangal nila dahil hindi pa nila nararanasan ang isang bagay, subalit masyado na silang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Bakit Ko sinasabing matigas ang ulo nila at hangal sila? Dahil wala silang karanasan, subalit ang lakas ng loob nilang kumontra sa sinasabi ng isang taong may karanasan. Hindi nila kinukumpirma kung totoo ang mga salitang ito at hindi sila nakapupulot ng aral sa mga ito; sa halip, iniisip nilang tama talaga sila, at hindi nila tinatanggap ang sinasabi ng ibang tao. Katigasan ito ng ulo at kahangalan, pati na pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba. Sa kanyang buhay pagpasok, nagawang matuto ni Pedro sa mga pagkabigo ng iba. Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? (Sinasabi ng Diyos na “isinaloob ni Pedro kung ano ang mabuti mula sa mga panahong nagdaan, at tinanggihan kung ano ang masama” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad).) Ni hindi kayang tanggapin ng mga taong matigas ang ulo at hangal ang mga bagay na nangyayari sa mismong harapan nila, at hindi sila natututo rito. Ang tingin ng mga tao rito ay pagiging mangmang, ngunit ang totoo ay isa itong problema sa kanilang disposisyon—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon.

Balikan natin ang paksa ng kung paano nagpapamalas ang mga taong may espirituwal na pang-unawa, at kung paano nagpapamalas ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ano ba ang kasasabi Ko lang ngayon na pangunahing paraan ng pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa? Sabihin ninyo sa Akin. (Kayang unawain ng mga taong may espirituwal na pang-unawa kung aling mga kalagayan ng tao ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, at ihambing ang sarili nilang mga kaisipan, ideya, kilos, at pag-uugali sa pang-araw-araw nilang buhay. Kaya nilang unawain kung ano ang sinasabi ng Diyos.) Nakuha ninyo ang karamihan sa pangunahing punto. Kapag ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay nagbabasa ng mga nagbubunyag na salita ng Diyos, naihahambing nila ang kanilang sarili, at nalalaman kung ano ang mga katotohanang tinatalakay ng mga salita ng Diyos, ano ang dapat pasukan ng mga tao, ano ang mga disposisyon ng tao na inilalantad ng Kanyang mga salita, at ano ang mga kalagayan at pagpapamalas ng tao na inilalantad ng Kanyang mga salita. Naihahambing nila ang kanilang sarili sa lahat ng bagay na ito, at nagkakaroon sila ng kamalayan sa mga ito. Ganito naipapamalas ang espirituwal na pang-unawa. Kanina, noong nagbabahagi Ako tungkol sa kung paano nagpapamalas ang mga taong may espirituwal na pang-unawa, may itinanong tayo, kung may espirituwal na pang-unawa ba sila sa lahat ng bagay. Mayroon ba? (Wala. Sa ilang bagay, naihahambing nila ang kanilang sarili sa mga kalagayang inilalantad ng mga salita ng Diyos, kung kaya nagpapamalas sila ng espirituwal na pang-unawa; samantalang sa mga bagay na hindi pa nila nararanasan ay hindi nila naihahambing ang kanilang sarili, kaya wala silang espirituwal na pang-unawa.) Kung hindi pa nila nararanasan ang isang bagay at hindi nila naihahambing ang kanilang sarili, wala silang espirituwal na pang-unawa rito. Paano kung may mga bagay na silang naranasan, ngunit hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang nakapaloob doon, kung kaya hindi nila tinatanggap ang mga iyon, o hindi nila kinikilala ang mga iyon bilang katotohanan—maituturing ba iyong pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa? (Hindi.) Hindi rin ito pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Paano kung hindi nila nauunawaan na ang mga bagay na kanilang naririnig ay ang katotohanan—maituturing ba itong pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa? (Hindi.) Mayroon ba sa inyong nagpapamalas sa ganitong mga paraan? Halimbawa, pagdating sa mga katotohanan tungkol sa pagpapasakop, sinasabi ng ilang tao, “Dapat tayong maging mapagpasakop sa bagay na ito. Walang maipagyayabang ang mga tao, at tungkulin at obligasyon nilang maging mapagpasakop.” Pagkarinig nito, naiisip mo sa sarili mo, “Anong uri ng katotohanan ito? Maging mapagpasakop din sa bagay na ito? Ang tingin ko, hindi kailangang maging mapagpasakop dito!” Hindi ba’t wala kang espirituwal na pang-unawa sa bagay na ito? (Oo.) Ang totoo, wala itong kinalaman sa kung gaano kalalim o kababaw ang iyong mga karanasan; tungkol lang ito sa tanong kung mayroon kang espirituwal na pang-unawa o wala. Magbibigay Ako ng halimbawa. Noong sinubok si Job, ano ang sinabi niya? (“Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) Pagkarinig ng mga tao sa sinabi niyang ito, kaya ba nilang unawain ang katotohanang nakapaloob dito? (Hindi.) Kaya may espirituwal na pang-unawa ba ang mga tao sa bagay na ito? (Wala.) Wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang bawat tao ay may kakayahang maranasan ang dalawang bagay ng pagbibigay at pag-aalis ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Naranasan mo na ang mga ito, ngunit hindi mo nauunawaan ang katotohanang nakapaloob dito, kaya may espirituwal na pang-unawa ka ba sa mga bagay na ito? (Wala.) Wala kang espirituwal na pang-unawa. Ano ang katotohanang nakapaloob sa mga salitang binigkas ni Job? (Na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at naghahari sa lahat.) Ito ay na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng pangyayari at lahat ng bagay, at nasa Kanya ang desisyon na magbigay o mag-alis. Kaya, ano ang dapat isagawa ng mga tao? (Pagpapasakop.) Tama iyan. Dapat silang magpasakop, tumanggap, at magpuri sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga salitang ito at ang katotohanang nakapaloob sa mga ito, may espirituwal na pang-unawa sila sa bagay na ito. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanang nakapaloob sa mga salitang ito, wala silang espirituwal na pang-unawa sa bagay na ito. Sa puntong ito, may espirituwal na pang-unawa ba kayo sa mga salita ni Job? (Wala.) Kung doktrina ang nauunawaan mo, sasabihin mo, “Nagkaroon ng magandang karanasan si Job. Sinabi ng Diyos na matuwid na tao si Job, kaya tiyak na ang lahat ng ginawa niya ay naaayon sa katotohanan, at tumutupad sa mga layunin ng Diyos.” Nauunawaan mo ang doktrina. Kaya, kailan magiging katotohanang realidad mo ang doktrinang ito? (Kapag aktuwal nang namamatnugot ang Diyos ng mga sitwasyon kung saan inalis sa akin ang mga bagay-bagay, at nagagawa kong magpasalamat at magpuri sa Diyos, magpasakop sa Diyos, at hindi magreklamo, at sa gayon ay naisasagawa ang aspektong ito ng katotohanan.) Naisasagawa mo ito, ngunit ang pagsasagawa mo ba ay sa pagsunod sa mga regulasyon at panggagaya sa iba, o tunay na pang-unawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kaibuturan ng iyong puso? May pagkakaiba rito, hindi ba? Alin dito ang pagpasok sa katotohanang realidad? Maraming tao ngayon na, matapos makita ang halimbawang ipinakita ni Job, ay nagagawang sabihin ang mga parehong bagay na ginawa ni Job, ngunit kapag sinasabi nila ang mga bagay na ito, ginagaya lang ba nila siya, o tulad ni Job, ang kanilang mga salita ba ay binigkas matapos mapagtanto, pagkalipas ng ilang dekada ng karanasan, ang katotohanan at katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan? Alin sa mga ito ang katotohanang realidad? (Ang nanggagaling sa karanasan ay ang realidad.) Tanging ang mga bagay na nararamdaman at nauunawaan mo sa pamamagitan ng karanasan ang katotohanang realidad; ang panggagaya sa mga bagay na sinasabi ng ibang tao ay hindi realidad. May aspekto ng realidad sa katagang binigkas ni Job, ngunit kapag binigkas ng mga taong nanggagaya sa mga salita niya ang parehong kataga, nagiging isa itong salawikain na ginagamit nila upang magbalatkayo at magpanggap na mga espirituwal na tao. Ang mga taong ito ay mga relihiyosong mandaraya. Ang ilang tao na napili para maging mga lider sa iglesia at na may responsabilidad at katayuan ay madalas nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga salitang binigkas ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.” Ano ang nararamdaman ng mga taong nakikinig? Ang nararamdaman nila ay, “Galing sa Diyos ang mga salitang ito. Nabuo ang mga ito sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at patnubay ng Diyos. Lubhang praktikal ang mga ito.” Pagkalipas ng wala pang isang taon, tinatanggal ang mga lider na iyon dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, sa pag-antala sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, at sa pag-antala sa pag-usad ng gawain ng iglesia, at pagkatapos ay nagiging negatibo sila at nagrereklamo. Binibigkas ng mga taong tulad nito ang parehong mga salitang binigkas ni Job, ngunit hindi nila naranasan ang mga bagay na naranasan ni Job, at wala silang malalim na pang-unawa, karanasan, o pag-arok sa mga salitang ito. Samakatuwid, kapag nagsasalita sila, nanggagaya ba sila o nagsasalita nang taos-puso? (Nanggagaya sila.) Pagdating sa iniisip nila sa kaibuturan nila, kapag nagsasalita sila, nakapaloob sa mga salita nila ang kanilang mga personal na damdamin, at taos-puso sila. May kahilingan sila, na kapag binibigyan sila ng Diyos ng mga bagay, palagi nilang magagawang purihin at pasalamatan Siya para sa mga pagpapala at kaloob na ibinigay Niya sa kanila, at na kapag may mga inalis ang Diyos sa kanila, talagang hindi sila magrereklamo, sa halip ay magagawa nilang purihin ang Diyos tulad ng ginawa ni Job, at pasalamatan ang Diyos para sa Kanyang patnubay at kataas-taasang kapangyarihan. Gayunpaman, isa lang itong kahilingan, at hindi pa nila nararanasan ang bagay na ito. Kapag wala na ang kanilang posisyon at titulo, at karaniwang mananampalataya na lang sila, tinutupad ba nila ang sinasabi nila? (Hindi.) Hindi Ko masasabing talagang hindi nila tinutupad ang sinasabi nila; depende iyon sa kung anong uri ng tao sila. Ginagamit ng mga taong naghahangad sa katotohanan ang mga salitang ito upang suriin ang sarili nilang pag-uugali, at ginagamit ang mga ito bilang gabay para sa kanilang karanasan, at naihahambing nila ang kanilang sarili, at nakahahanap ng landas ng pagsasagawa sa mga ito. Hindi masyadong nagiging masama ang loob nila o negatibo, at nagagampanan nila nang normal ang kanilang tungkulin. Sa kabaligtaran naman, ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at sa halip ay bumibigkas ng mga salawikain ay nanganganib; iba ang pagpapamalas nila. Ano ang mga nakita ninyong pinakakapansin-pansing paraan ng pagbubunyag sa sarili ng ganitong uri ng mga tao? (Pagkatapos matanggal, may ilang lider na hindi sumusubok na kilalanin ang kanilang sarili, at hindi nagpapasakop. Iniisip nilang hindi patas ang pagtanggal sa kanila, at nagiging negatibo at nagrereklamo sila. Sa susunod na magkaroon ng halalan ay nagpupumilit silang muling magkaroon ng kapangyarihan, at sa huli ay nagiging anticristo sila at napapatalsik.) Ito ang pinakamalubhang kaso. Ano pa ang ibang pagpapamalas? (May ilang taong nagtatrabaho na lang sa regular na trabaho pagkatapos matanggal, at hindi na gumagawa ng tungkulin.) Anong uri ng tao ito? Bakit sila nagyabang at bumigkas ng mga salawikain dati? Bumibigkas sila ng mga bagay para marinig ng iba, at ginagamit nila ang mga salawikain, doktrina, at masarap pakinggang salita na ito upang pagandahin ang kanilang imahe, kuhanin ang loob ng mga tao, at hikayatin ang mga tao na igalang sila. Iyon ang mithiin nila. Ano pa ang ibang pagpapamalas? (Bago sila matanggal, may ilang lider at manggagawa na sa panlabas ay mukhang matinding naghahangad, at nagsasabing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis,” ngunit matapos nilang matanggal, negatibo na sila at hindi na sila makabangon, at nang-aatake at nagagalit pa nga sila sa mga tao, iniisip na napunta sa wala ang paggugol at paglalaan nila ng kanilang sarili noon, na para bang may pagkakautang sa kanila ang sambahayan ng Diyos.) May malubhang problema ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito at kumikilos sa ganitong paraan. Una sa lahat, dapat kilatisin ng isang tao ang kalikasan ng pagsasabi nila ng mga bagay na ito. Hindi nila hinahangad ang katotohanan; ginagaya nila ang mga salita ni Job; nag-iimbento sila ng magandang korona para sa ulo nila, at pinalalabas na mga espirituwal na tao sila upang magpasikat at manlihis ng mga tao. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng paggawang biro sa katotohanan, at ng paglapastangan sa Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, aling uri ng mga tao, ang kapag nawalan ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, ay nagkakaroon ng masyadong matinding reaksyon, nalulugmok sa pagiging negatibo, tumitigil sa paggawa ng kanilang tungkulin, lalong pinalalala ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapalagay na wala na silang pag-asa, at tumitigil pa nga sa pananampalataya? (Ang mga taong masama ang pagkatao, at ang masasamang tao.) Tama iyan. Ang mga taong masama ang pagkatao at ang masasamang tao ay talagang hindi mga taong naghahangad sa katotohanan, ngunit kung ang mga taong may mabuting pagkatao ay hindi naghahangad sa katotohanan, magpapamalas din ba sila sa ganitong paraan? Tiyak iyon. Bukod sa masasamang tao na nagpapamalas sa ganitong paraan, may isa pang sitwasyon na direktang nauugnay sa kung ano ang hinahangad ng mga tao at sa landas na kanilang tinatahak. Kahit na sa panlabas ay tila may kaunting pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, wala itong mabuting ibubunga, at lahat sila ay may masasamang diwa, may kakayahang lumabag sa katotohanan at lumaban sa Diyos, at kung may katayuan sila, may kakayahan silang gumawa ng kasamaan. May isa pang napakalubhang problema, iyon ay na ang mga taong tulad nito ay masyadong mahilig maghangad ng katayuan. Kung hindi sila pahihintulutang magkaroon ng katayuan, o hindi pahihintulutang maging lider, para bang inaalisan sila ng buhay. Kaya ba nila itong tanggapin? Kapag may katayuan sila, kahit gaano pa sila katinding magdusa o gaano pa katinding pangmamaltrato ang tiisin nila, payag sila. Gayunpaman, hindi masasabi na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan dahil lang sa payag sila, o dahil nagtitiis sila sa pagdurusa at nagbabayad ng halaga. Mali iyon. Ang hinahangad nila ay kasikatan, pakinabang, at katayuan; ang hinahangad nila ay ang mga pakinabang ng katayuan. Sa anong paraan ito katulad ni Pablo? (Naghangad siya ng korona.) Tama iyon. Naghangad siya ng korona, at ito ang korona ng pagiging matuwid. Ito ang hinahangad ng mga taong tulad ni Pablo—itinuturing nila ang paghahangad ng isang korona bilang isang wastong paghahangad, at bilang paghahangad sa katotohanan. Pagkatapos nito, magkakaroon na ba kayo ng kaunting pagkilatis sa ganitong uri ng mga tao? (Oo.) Ipagpalagay nating may isang taong nang-atake at nagalit sa mga tao matapos matanggal at mawalan ng katayuan, at hindi talaga niya pinapansin o kinakausap ang mga kapatid na nakikita niya, at kapag hinihiling sa kanyang ipalaganap ang ebanghelyo, sinasabi niya, “Hindi ko ipapalaganap ang ebanghelyo. Hindi ako magseserbisyo sa iyo! Naaalala mo ako kapag kailangan mo ako, pero binabalewala at tinatanggal mo lang ako kapag hindi na. Hindi ako ganoon kahangal!” Anong uri ng mga salita ang mga ito? Madali ba siyang kilatisin? Paano siya naging mananampalataya? Hindi talaga siya isang tunay na mananampalataya, o isang mabuting tao. Aling uri ng mga tao ang may pinakamatinding reaksyon matapos tanggalin? (Ang mga taong naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan.) Kasasabi lang ninyo na ang ganitong uri ng mga tao ay may masamang pagkatao, o na hindi sila naghahangad ng katotohanan o ng buhay pagpasok. May kaugnayan ba iyon sa diwa ng problemang ito? (Wala.) Tila may kaunting katwiran ang sinasabi ninyo, ngunit wala itong kaugnayan sa diwa ng problemang ito. Hindi ito ang diwa ng problemang ito. Kasasabi lang ninyo na ang dahilan kung bakit may ilang taong nagrereklamo at nagpapalagay na wala na silang halaga pagkatapos matanggal ay dahil sa masama ang pagkatao nila. Bakit Ko sinasabing doktrina ito? Ito ay dahil may ilang medyo mabuti ang pagkatao, at taos-pusong naglalaan at gumugugol ng kanilang sarili, iyon nga lang ay hindi nila hinahangad ang katotohanan, at palagi silang naghahangad ng reputasyon at katayuan. Dahil dito, kapag sa huli ay natanggal sila, grabe ang reaksyon nila. Ipinakikita nito na ang mga paraan ng pagpapamalas nila ay hindi lang mga problema ng masamang pagkatao, kundi mga problema sa kanilang disposisyon—talagang lubhang nagawang tiwali ang kanilang disposisyon! Ibinubuod ito ng ilang tao sa isang kataga, at sinasabing, “Hindi hinahangad ng taong ito ang katotohanan. Iyon ang dahilan.” Masyadong malawak ang pahayag na ito. Maraming paraan ng pagpapamalas sa hindi paghahangad sa katotohanan: Ang pagrereklamo, hindi matapat na pagganap sa iyong tungkulin, at iba pa ay mga halimbawang lahat. Hindi maipapaliwanag ng isang tao ang bawat problema sa iisang katagang “hindi nila hinahangad ang katotohanan.” Masyado itong malawak at hindi kongkreto. Isa itong paliwanag na batay sa doktrina.

Ngayon ay ibabahagi Ko kung paano nagpapamalas ang kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Ano ang saloobin ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa hinggil sa katotohanan? Paano nila hinaharap ang sarili nilang kalagayan, mga pagpapamalas, at ang katiwaliang ipinapakita nila? Kaya ba nilang taglayin ang mga pagpapamalas ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang pinakamalaking problema rito? (Hindi nila nauunawaan kung aling mga kalagayan o pagpapamalas ng tao ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, at hindi nila nagagamit ang mga bagay na ito upang ikumpara ang kanilang sarili.) Ang pangunahin dito, hindi nila kayang ikumpara ang kanilang sarili. Masasabi bang nauunawaan nila ang katotohanan kung hindi nila naikukumpara ang kanilang sarili? (Hindi.) May tinatalakay kang isang bagay, ngunit palagi silang may tinatalakay na ganap na kabaligtaran nito; palagi silang tumututol at nakikipagtalo sa iyo. Hindi magkapareho ang pokus ng usaping pinagtatalunan ninyo, at magkaibang bagay ito, ngunit iniisip pa rin nilang medyo may katwiran sila. Ganito nagpapamalas ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakauunawa ng katotohanan. Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Mahirap ito. Kung hindi nila kayang hangarin ang katotohanan, maaari ba silang magkaroon ng buhay pagpasok? (Hindi.) Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay imposibleng magkaroon ng buhay pagpasok; tiyak ito. Kung ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos ang isang tao ngunit talagang hindi niya nauunawaan ang katotohanan, isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan? Tiyak na hindi. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi naman palaging ganoon. Bagama’t may ilang taong hindi nakauunawa ng katotohanan, masyado naman silang masigasig, at tinatalikuran nila ang lahat ng bagay upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Paanong hindi sila naging taong naghahangad sa katotohanan?” Tama ba ang pananaw na ito? Kapag sinusuri kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan, hindi maaaring tingnan lang kung tinatalikuran niya ang lahat ng bagay upang gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos. Ang pangunahing bagay na dapat tingnan ay kung ano ang pinahahalagahan ng kanyang puso. Kung ang pinahahalagahan ng kanyang puso ay ang pagsasagawa ng katotohanan, pagpasok sa katotohanan, at pagtatamo sa katotohanan, at epektibo siya sa buhay pagpasok, kung gayon ay isa siyang taong naghahangad sa katotohanan. Kung tinalikuran at ginugol niya ang kanyang sarili upang magtamo ng korona at gantimpala, at tinalikuran at ginugol niya ang kanyang sarili sa loob ng maraming taon, nagdusa siya nang matindi, ngunit hindi niya nagawang unawain ang katotohanan o pumasok sa realidad, at hindi nagawang unawain ang Diyos, kung gayon, ang kanya bang pagtalikod at paggugol ay talagang paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, dahil ang kanyang pagtalikod at paggugol ay hindi nagdulot sa kanya na maunawaan ang katotohanan o makapasok sa mga katotohanang realidad. Samakatuwid, ang katunayang tumatalikod at gumugugol siya ay hindi nangangahulugang naghahangad siya sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay pawang katulad ni Pablo. Ginugol ni Pablo ang kalahati ng buhay niya sa pangangaral at paggawa para sa Panginoon, ngunit hindi niya nakamit ang katotohanan, ni nakamit ang Panginoon. Kaya masasabi mo bang si Pablo ay isang taong naghangad sa katotohanan? Pagdating sa kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, napakahalaga na tingnan kung ang mithiing hinahangad niya, at ang kanyang layunin, ay nagpapahalaga sa pagkamit sa katotohanan. Kung talaga ngang pinahahalagahan niya ang pagsisikap para sa katotohanan, at naging epektibo siya sa mga bagay na tulad ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad, saka lang siya maituturing na isang taong naghahangad sa katotohanan. Ang lahat ng taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay may kakayahang magsagawa ng katotohanan, at tanging ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan ang siyang mga taong may buhay pagpasok. Kung sasabihin ng isang tao na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, ngunit hindi siya nagsasagawa ng katotohanan, masasabi ba ninyong may buhay pagpasok ang taong ito? Talagang wala. Paanong magkakaroon ng buhay pagpasok ang isang taong hindi nagsasagawa ng katotohanan? Ganap na imposible ito. Kung iniisip niya na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan at may buhay pagpasok, dapat mong itanong sa kanya, “Ano ang katibayan ng buhay pagpasok mo?” Hindi sapat na basta paniwalaan na lamang ang sinasabi niya. Kung walang katibayan, hindi makatwiran ang sinasabi niya. Kung sinasabi mong isa kang taong naghahangad sa katotohanan, gaano karaming katotohanan ang nauunawaan mo? Gaano na karaming katotohanan ang naisagawa mo? Aling mga aspekto ng mga katotohanang realidad ang napasukan mo na? Kaya mo bang talakayin ang iyong patotoong batay sa karanasan? Kung hindi mo kayang talakayin ang iyong patotoong batay sa karanasan, dinadaya at inililigaw mo ang mga tao sa pagsasabing isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing si Pablo ay hindi isang taong naghangad sa katotohanan? Ito ay dahil ang mga liham na isinulat ni Pablo ay talagang hindi naglalaman ng anumang patotoo ng karanasan sa buhay; hindi niya nagawang talakayin ang tungkol sa tunay na pag-unawa sa Diyos, lalong hindi ang talakayin ang tungkol sa pagmamahal o pagpapasakop sa Panginoong Jesus. Ni wala siyang pang-unawa sa sarili niyang tiwaling disposisyon. Sinabi lang niya na siya ang pinakamasamang makasalanang tao. Sinabi niya ito batay sa katunayang pinarusahan siya dahil sa paglaban sa Panginoong Jesus. Sa pagsasabing siya ang pinakamasamang makasalanang tao, inaamin lang niya ang katunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng panatikong paglaban sa Panginoong Jesus. Ibig ba nitong sabihin ay tunay niyang naunawaan ang sarili niyang tiwaling disposisyon at diwa? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong pagdating sa kung ano ang bumubuo sa paghahangad sa katotohanan, at kung anong uri ng tao ang may buhay pagpasok, dapat itong tukuyin batay sa kung nauunawaan niya ang katotohanan at isinasagawa ang katotohanan, sa halip na sa kung ano lang ang sinasabi niya. Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang sinasabi Ko? Bakit ba tayo nagbabahaginan nang ganito kadetalyado? Kinakailangan ba ito? (Oo.) Bakit ito kinakailangan? Nagbabahagi Ako sa ganitong paraan upang himayin ang inyong mga maling pananaw, iwasto ang mga bagay na mali ninyong iniisip na tama, tulungan kayong makahanap ng solusyon, mabitiwan ang mga bagay na mali ninyong iniisip na tama, at pagkatapos ay makapasok kayo sa landas ng tunay na paghahangad sa katotohanan. Pagkatapos ay tunay nang magkakaroon ang mga tao ng buhay pagpasok, at magagawang makamit ang tunay na paghahangad sa katotohanan. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakauunawa ng mga usapin patungkol sa buhay pagpasok o pagbabago sa mga disposisyon. Iniisip nilang marami na silang nabago na aspekto ng kanilang sarili, at nakamit na nila ang buhay pagpasok. Halimbawa, nabago na nila ang ilang masamang gawi: Hindi na sila kumakain nang labis, natutulog nang labis, hindi na tamad, at mas masipag na sila kaysa dati, kaya iniisip nilang ibig sabihin nito ay may buhay pagpasok na sila. May ibang tao na nag-iisip kung paanong dati ay palagi silang nanenermon ng mga tao, ngunit ngayon ay hindi na; nakapagsasabi na sila ng magagandang bagay at mga kapaki-pakinabang na bagay sa mga tao, at minsan ay nakatutulong sa mga tao. Dahil kaya na nilang gawin ang mga bagay na ito, iniisip nilang nagsasagawa na sila ng katotohanan at nagdaan na sila sa pagbabago. May ilang taong nag-iisip na may buhay pagpasok sila dahil kaya nilang talikuran ang paghahangad sa kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga pisikal na kasiyahan. Isa itong problemang taglay ng lahat ng tao. Isinagawa nila ang nauunawaan nila, ang inaakala nilang tama at mabuti alinsunod sa kanilang mga kuru-kuro, at naiwasto na nila ang maraming masamang gawi at problematikong ugali ng laman, o nabago ang paraan ng pamumuhay nila dahil sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Kasabay niyon, tinalikuran na nila ang maraming pakinabang ng laman, tinalikuran ang kanilang pamilya at trabaho, at tinalikuran ang kanilang asawa at ang sekular na mundo. Inaakala nilang nagbago at ligtas na sila, at sinasabing, “Mabibitiwan ko ba ang lahat ng ito kung hindi ako sumasampalataya sa Diyos? Magkakaroon ba ako ng ganito kalaking pagbabago?” Hindi ba’t ito ang pinakamaling pagkaunawa ng mga mananampalataya? (Oo, ito nga.) May espirituwal na pang-unawa man ang mga tao o wala, taglay nilang lahat ang maling pagkaunawang ito. Bakit Ko sinasabing isa itong maling pagkaunawa? Bakit Ko sinasabing may malubhang problemang umiiral dito? Pangunahin na dahil sumasampalataya ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila nauunawaan ang Kanyang layunin, ibig sabihin ay hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Sa halip, nag-iisip sila alinsunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, naniniwala na ang magawang bumitiw sa kanilang pamilya, trabaho, mga damdamin, sa sekular na mundo, sa mga ugnayan ng laman, at maging sa kanilang mga pag-aari, ay nangangahulugang may buhay pagpasok sila. Isa itong maling pagkaunawa. Ang totoo, ang layunin ng Diyos ay kapag sumasampalataya ang mga tao sa Diyos, dapat nilang ayusin ang kanilang tiwaling disposisyon, ayusin ang kanilang problema ng paglaban sa Diyos, at lutasin ang ugat ng mga kasalanang ginagawa nila. Upang magawa ito, dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at maunawaan ang disposisyon ng Diyos bago nila maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila at magkaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ang isinasakatuparan Niyang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Walang alam ang mga tao sa gawain ng Diyos; hindi nila nakikita ang mithiin at epektong nais Niyang tuparin sa pamamagitan ng Kanyang gawain, kaya pinapalitan nila ang katotohanan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at itinuturing ang mga paghahangad ng tao at ang kaya nilang maisakatuparan bilang layunin ng Diyos at ang hinihingi Niya sa mga tao. Ito ang maling pagkaunawa ng mga tao kapag sumasampalataya sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kaya nilang maisakatuparan ay nagpapakita lang ng kanilang debosyon, at kapag tinatalikuran nila ang mga bagay, ang totoo ay pinaplano nilang makipagtransaksyon sa Diyos—ginagawa ito kapalit ng isang gantimpala at isang korona. Inisiip nilang ang mga transaksyong tulad nito ay talagang sulit at na malaki ang makukuha nila. Iyon ang dahilan kung bakit tinatalikuran nila ang lahat ng bagay. Ang pagtalikod sa mga bagay ay hindi nangangahulugang taglay nila ang mga katotohanang realidad, ni nangangahulugang nagagawa nilang magpasakop sa Diyos. Bagama’t tumatalikod sila at gumugugol sila, talaga bang nauunawaan nila ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kontaminado ba ang kanilang pagtalikod at paggugol? Tiyak iyon. Kung gayon ay ano ba talaga ang hinahangad nila sa paggugol at pagdurusa nang ganito? Ang mga taong tulad nito ay hindi kailanman naging interesado sa kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga hinihingi ng Diyos; palagi nilang iniisip na walang kinalaman sa kanila ang mga bagay na ito. Sa kanilang mga puso, kung anuman ang inaakala nilang tama, anuman ang inaakala nilang mabuti, at anuman ang inaakala nilang buhay pagpasok, iyon ang isinasagawa nila, at pagkatapos itong isagawa, iniisip nilang ginugunita ito ng Diyos. Itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang mga gamit para sa pakikipagtawaran at kapital. Mga pagpapamalas ba ito ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Isa itong maling pagkaunawa ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Isa ito sa mga paraan ng pagbibigay-kahulugan sa mga bagay ng mga taong mali ang pagkaunawa sa buhay pagpasok. Kaya, paano susuriin at patutunayan na ang mga bagay na ito ay hindi mga pagpapamalas ng paghahangad nila sa katotohanan, at na wala silang buhay pagpasok? Anong mga katunayan ang maaaring gamitin upang kumpirmahin na mali ang mga bagay na sinasabi nilang ito? (Kumikilos sila nang walang mga katotohanang prinsipyo.) Isang bahagi ito. Kumikilos sila batay sa imahinasyon nila. Sa panlabas, mukha silang mga tunay na mananampalataya; nagagawa nilang tumalikod sa mga bagay at gumugol ng kanilang sarili, ngunit walang prinsipyo ang kanilang mga kilos. Bakit wala silang prinsipyo? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan. Ang mga perspektiba nila sa pagtingin sa mga bagay ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon pa ring taglay nila noong simula. May isang pinakamalaking problema ang mga taong tulad nito: Nagpapasakop ba sila sa mga kapaligirang pinapatnugutan ng Diyos? Nauunawaan ba nila kung bakit namatnugot ang Diyos sa mga kapaligirang ito? (Hindi.) Sapat na ba ito upang mapatunayan na wala silang tunay na buhay pagpasok? (Oo.) Marami na silang nabago sa kanilang masasamang gawi at problematikong ugali, at marami na silang isinakripisyo. Sa huli, kapag sila ay sinusubok, bukod sa hindi na nila nauunawaan ang layunin ng Diyos, may kakayahan pa rin silang magreklamo at hindi sila makapagpasakop. Anong problema ito? Ito ay na wala silang buhay pagpasok. Ang mga taong walang buhay pagpasok ay walang mga katotohanang realidad, tama? (Oo.) Kapag may mga nangyayari, ganap silang umaasa sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at likas na kagustuhan. Kapag talagang sineryoso mo sila at hiningi sa kanilang magpasakop, hindi talaga sila mapagpasakop; umaasa lang sila sa mga dahilan, katwiran, at imahinasyon ng tao, at hinahanap nila ang lahat ng uri ng paraan upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at isakatuparan ang mithiin nila ng hindi pagpapasakop sa Diyos, at pagtanggi sa gawain ng Diyos. May ilang tao pa nga na dahil sa napakalubha na, bukod sa hindi na makapagpasakop, sumusubok pa ring mag-imbento ng lahat ng paraan upang mapatunayan na tama ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, na tama ang mga pamamaraan at landas na naiisip nila, at na hindi naman talaga tama ang mga kilos at pamamatnugot ng Diyos. Inihahayag nitong wala silang buhay pagpasok; ang lahat ng bagay na ginagawa nila at ang lahat ng paglalaan nila ng kanilang sarili o binabago nila sa kanilang sarili ay hindi buhay pagpasok, masasamang gawi lang ang mga iyon na hindi na umiiral. Nagbago na nang kaunti ang kanilang mga pansariling gawi, nakasanayan, at ang paraan ng pamumuhay nila, at maaari pa ngang nagbago na ang ugali ng ilang tao; mas malumanay at mas pino na silang magsalita, at maaaring mas tipikal na ang panlabas nilang pag-uugali, ngunit kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay ay wala silang katotohanang realidad, at kailanman ay hindi nila ginagawa ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan; pawang mga personal na imahinasyon at kahilingan lang nila ang mga ito. Wala silang tunay na pang-unawa sa Diyos; ang alam lang nila ay kung paano magtalakay ng kaunting espirituwal na teorya, at hindi na nila mabitiwan ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at damdamin ng tao. Ano sa palagay ninyo, kaawa-awa ba ang mga taong ito? (Oo.) At marami bang taong katulad nito? (Oo.) Paano ninyo nalamang maraming ganitong tao? (Dahil isa ako sa kanila.) Naaantig kayo rito, hindi ba? Kung gayon ay talakayin ninyo ang inyong mga karanasan tungkol dito. (Magbabahagi ako ng karanasan. May isang brother na nagpaalam ng mga pagkukulang ko sa harap ng maraming kapatid, at noong panahong iyon ay napahiya ako. Upang mabawi ang pride ko, sinubukan kong ipagtanggol at pangatwiranan ang sarili ko. Hindi ko tinanggap ang mga komento ng brother na iyon.) Napipigilan ka ng pride mo. Bakit ba palaging napipigilan ng pride ang mga tao? Dahil ba ang lahat ng taong may dignidad ay balat-sibuyas, iyon ba iyon? (Hindi.) Ang totoo, ginagawa ito ng mga tao dahil gusto nilang magpanatili ng perpektong imahe sa paningin ng mga tao. Mahalaga sa kanila ang kanilang katayuan, at gusto nilang iharap ang kanilang sarili sa isang napakaperpektong paraan, nang walang kapintasan. Gusto nilang mag-iwan ng perpektong impresyon sa isipan ng mga tao, at ayaw nilang ipakita sa mga tao ang katotohanan tungkol sa kung ano talaga sila. Ito ang kinahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Nalutas na ba ngayon ang problemang ito? (Hindi pa. Madalas ko pa rin itong naipapakita.) Kung nagagawa ng isang taong pagnilayan ang kanyang sarili at kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon, magiging madaling baguhin ito. Kung hindi niya pinagninilayan ang kanyang sarili, hindi niya nagagawang kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon, at manhid siya sa mga problema niya at wala siyang kamalayan, magiging mahirap na baguhin ito. Kung may kamalayan na siya, at nararamdaman niyang malubha ang kanyang mapagmataas na disposisyon, na baluktot ang kanyang mga paghahangad, at na malayo pa rin siya sa paghahangad sa katotohanan, ngunit kapag siya ay pinupungusan, nagiging negatibo siya nang ilang araw, at palagi siyang naghahanap ng mga paraan upang mabawi ang pride sa bawat sitwasyon, maaari bang magbago ang ganitong tao? Mahirap para sa kanyang magbago. Kaya, paano niya dapat lutasin ang problemang ito? Sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa katotohanan at pagninilay sa kanyang sarili ay may pag-asa pa siyang maayos ang problema. Kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, imposibleng maayos niya ang problema. Ang susi ay dapat na taglayin ng mga tao ang determinasyon at pagnanais na hangarin ang katotohanan. Kapag ang puso nila ay labis na nananabik sa katotohanan, magagawa nilang mahalin ang katotohanan at tanggapin ito, at magkakaroon sila ng lakas upang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa laman. Tuluyan lang na maaayos ng mga tao ang problema ng isang tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, at sa sandaling maayos na ang kanilang tiwaling disposisyon, maisasagawa na nila ang katotohanan, at pagkatapos ay magkakaroon na sila ng buhay pagpasok.

Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa, at palaging mali ang pagkaunawa sa katotohanan at buhay pagpasok ay nag-iisip na madali ang paghahangad sa katotohanan, na pagbabago lang ito ng ilang masamang gawi o problematikong ugali, o paminsan-minsang pagbitiw sa mga bagay na para sa kapakanan nila, na basta’t hindi sila gumagawa ng masama, at nagpupursigi sila sa kanilang pananampalataya hanggang sa huli, nagtamo na sila ng buhay, at maipapalit na nila ang mga bagay na ito sa mga gantimpala at pagpapala ng Diyos. Ang mga tao bang ibinabatay ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa ganitong mga pananaw ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga tao bang hindi naghahangad sa katotohanan ay nagkakaroon ng buhay pagpasok? (Hindi.) Maraming tao ang talagang naguguluhan kung tungkol saan talaga ang buhay pagpasok. Iniisip nilang nagkakaroon ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan lang ng paggugol ng kaunting lakas, paggawa ng ilang tungkulin, pagbabago sa ilang masamang gawi at problematikong ugali, paggawa ng ipinagagawa sa kanya, at pagpapasakop nang kaunti. Napakasimple ng paraan ng pagtingin nila sa buhay pagpasok. Sa pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, mababago ba nila ang kanilang buhay disposisyon? (Hindi, binabago lang nila ang kanilang sarili sa panlabas, hindi naman nagbago ang kanilang diwa.) Medyo nagbago na kayo ngayon, ngunit may mga pagbabago ba sa inyong panlabas na pag-uugali, o may ilang pagbabago ba sa inyong buhay disposisyon? Nakahanap na ba kayo ng solusyon sa mga mali ninyong pananaw tungkol sa buhay pagpasok, at nasimulan na ba ninyong magkaroon ng buhay pagpasok? Nagagawa ba ninyong suriin kung aling mga bahagi ng inyong sarili ang nagbago, at aling mga bahagi ang hindi? Kung bibigyan ka ng tungkuling gagampanan at noong simula ay hindi mo kayang magpasakop, hanggang saan ka na nakapagpapasakop ngayon? Halimbawa, isa kang brother, at kung hihingin sa iyong magluto ng pagkain at maghugas ng mga pinggan para sa ibang kapatid araw-araw, magpapasakop ka ba? (Tingin ko, oo.) Siguro kaya mo iyon sa maikling panahon, ngunit kung hihingin sa iyong gawin ang tungkuling ito nang pangmatagalan, magpapasakop ka ba? (Puwedeng magpasakop ako paminsan-minsan, pero sa paglipas ng panahon, maaaring hindi ko na magawa iyon.) Ibig sabihin niyon ay hindi ka nagpasakop. Ano ang nagdudulot sa mga tao na hindi magpasakop? (Ito ay dahil may mga tradisyonal na kuru-kuro sa puso ng mga tao. Iniisip nilang dapat magtrabaho ang mga lalaki sa labas ng bahay, at ang mga babae ang dapat na mag-asikaso ng mga gawaing bahay, na trabaho ng babae ang pagluluto at mapapahiya ang isang lalaki sa pagluluto. Iyon ang dahilan kung bakit hindi madaling magpasakop.) Tama iyan. May sekswal na diskriminasyon pagdating sa hatian ng trabaho. Iniisip ng mga lalaki, “Kaming mga lalaki ay dapat na nasa labas at naghahanapbuhay. Ang mga bagay na tulad ng pagluluto at paghuhugas ay dapat na gawin ng mga babae. Hindi kami dapat piliting gawin ito.” Ngunit ngayon ay mga espesyal na sitwasyon ito, at hinihingi sa iyong gawin ito, kaya ano ang gagawin mo? Anong mga emosyonal na problema ang dapat mong malampasan bago ka makapagpasakop? Ito ang pinakapunto ng isyu. Dapat mong malampasan ang sekswal na pandidiskrimina mo. Walang gawaing dapat gawin ng mga lalaki, at walang gawaing dapat gawin ng mga babae. Huwag mong hatiin ang trabaho sa ganitong paraan. Hindi dapat tukuyin ang tungkuling ginagampanan ng mga tao ayon sa kanilang kasarian. Maaari mong hatiin ang trabaho sa ganitong paraan sa iyong sariling tahanan at pang-araw-araw na buhay, ngunit ngayon ay may kinalaman ito sa iyong tungkulin, kaya paano mo ito dapat bigyang-kahulugan? Dapat mong tanggapin ang tungkuling ito mula sa Diyos at akuin ito, at baguhin ang mga maling pananaw na nasa loob mo. Dapat mong sabihin, “Totoo na lalaki ako, ngunit isa akong miyembro ng iglesia at isang nilikha sa mga mata ng Diyos. Gagawin ko ang anumang iaatas sa akin ng iglesia; hindi hinahati ang mga bagay ayon sa kasarian.” Una, dapat mong bitiwan ang mga mali mong pananaw, pagkatapos ay tanggapin ang iyong tungkulin. Ang pagtanggap ba sa iyong tungkulin ay tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Sa mga susunod na araw, kung may magsasabing masyadong maalat ang luto mo, o medyo matabang ito, o magsasabing hindi maayos ang pagkakaluto mo sa isang pagkain at ayaw niya itong kainin, o magsasabi sa iyong magluto ng bagong putahe, matatanggap mo ba ito? Sa puntong iyon ay maaasiwa ka, at maiisip mo, “Isa akong lalaking may respeto sa sarili, at ibinaba ko na ang sarili ko sa pagluluto ng pagkain para sa lahat ng mga kapatid na ito, subalit ipinaaalam pa rin nila ang lahat ng problemang ito. Wala na talaga akong natitirang pride.” Sa puntong ito, ayaw mo nang magpasakop, hindi ba? (Ayaw ko na.) Problema ito. Sa tuwing hindi ka makapagpapasakop, dulot ito ng isang tiwaling disposisyon na nabubunyag at nagdudulot ng problema, at nagdudulot sa iyong hindi makapagsagawa ng katotohanan at makapagpasakop sa Diyos. Sa puntong ito, magtatalo ang puso mo—kinokontrol ka ng mga kaisipan mo at ipinaiisip sa iyo na napahiya ka, at masama ang loob mo. Ano ang dapat mong gawin sa puntong ito? (Hanapin ang katotohanan.) Paano mo hahanapin ang katotohanan? Dapat kang magdasal, “Diyos ko, anuman ang hingin sa akin ng ibang tao, tatratuhin ko ito bilang aking tungkulin. Kahit sino pa ang panlabas kong pinaglilingkuran o ginagawan ng mga bagay, tatanggapin ko ang lahat ng ito na mula sa Diyos. Tungkulin ko ito at dapat akong magpasakop; hindi ko kailangan ang pride ko. Sa sambahayan ng Diyos, hindi nahahati ang mga tungkulin sa mataas na antas at mababang antas, sa mataas na katayuan at mababang katayuan, sa mga tungkuling panlalaki, mga tungkuling pambabae, mga tungkuling pangmatanda, at mga tungkuling pambata. Tanging may mga tungkulin na ginagawa nang mabuti at mga tungkuling hindi, mga tungkuling ginagawa nang may pagkamatapat, at mga tungkuling hindi.” Pagkatapos mong mabitiwan ang iyong pride, katayuan, posisyon, at dangal, ganap mo na bang nabitiwan ang iyong sarili? (Hindi.) Magkakaroon ka pa rin ng reaksyon. Minsan, hindi ka igagalang ng mga tao, iisipin nilang hangal ka, at tatratuhin ka bilang mas nakabababa, sasabihing, “Walang halaga ang isang lalaking ganyan kasaya sa pagluluto! Hinding-hindi ko gagawin iyan.” Aakayin ka nila sa maling direksyon, magtatanim sila ng mga maling ideya at kuru-kuro sa iyo, at iimpluwensiyahan nila ang iyong pagsasagawa. Ang tingin nila sa mga positibong bagay na tulad ng iyong pagpapahalaga sa buhay pagpasok, sa pagiging normal na tao, at sa pagiging pagkamatapat sa iyong tungkulin ay isang uri ng kahihiyan, at samakatuwid ay tatratuhin ka nilang mas nakabababa at huhusgahan ka nila. Kung hindi mo ito matatanggap, agad kang masasadlak sa pagiging negatibo at iisipin mong dahil sa tungkuling ito ay palagi kang napapahiya sa harap ng iba, at nagiging dahilan ito para tratuhin ka ng mga tao na mas nakabababa at utus-utusan ka. Pagkatapos ay hindi ka na ulit magpapasakop, tama ba? Kapag walang taong itinuturing kang mas nakabababa o nanghuhusga sa iyo, iniisip mong nagagawa mo nang magpasakop, na may buhay pagpasok ka na, may kaunting katotohanang realidad, at may kaunting tayog. Tama ba ang paraan ng pag-iisip na ito? Kung gayon ay bakit, kapag may nanghuhusga sa iyo at nasusubok ang iyong tayog, ay nagiging negatibo ka at naiisip mo, “Gaano katagal ko pa ba kailangang ipagpatuloy ang pagluluto bago matapos ito? Palagi akong hinahamak ng taong ito. Hindi tama na hamakin niya ako, at hindi ko ito matanggap!”? Nagkaroon na naman ng problema. Kapag hindi mo ito kayang tanggapin, nagrereklamo ka rin ba kasabay nito at nagsasabing, “Paano nagawa ng lider na iatas sa akin ang ganitong uri ng tungkulin? Bakit ako mismo ang pinili niya sa halip na pumili ng iba? Mukha ba akong madaling apihin? Inaapi ako ng mga tao, hindi ako pinapaboran ng lider, at hindi ako pinoprotektahan ng Diyos”? Lumitaw na naman ang iyong mapaghimagsik na disposisyon. Ano ang problema rito? Maaari kayang masyadong mababa ang tayog mo? Ni hindi mo kayang tiisin ang maliit na insultong ito, at nagiging negatibo ka at nagrereklamo dahil dito. Ito ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga katotohanang realidad? Wala kang anumang katotohanang realidad. May napakasimpleng paraan upang malutas ang problemang ito: Sa puso mo, dapat mong isipin, “Kahit sino pa ang manghamak sa akin o tumingin sa akin nang may pangungutya, dapat kong gawin ang aking tungkulin. Hindi ko maaaring talikuran ang atas ng Diyos. Hindi ko ito ginagawa para sa ibang tao, ni ginagawa ito upang may maisip ang mga tao sa akin—ano ba ang saysay ng pagkakaroon ng opinyon sa akin ng iba? Dapat kong tuparin ang aking tungkulin upang mabigyang-kaluguran ang Diyos.” Ganito ka dapat mag-isip sa iyong puso. Ngayon kapag nagluluto ka, hindi ba’t may tiwala ka na sa sarili mo? Kung gayon ay nalutas na ba ang problema? Ang totoo, hindi pa ito ganap na nalulutas. Sa huli, palagi kang nasa kalagayan ng pagtatalo ng kalooban, palaging nasasadlak sa kahinaan at pagiging negatibo at pagkatapos ay babangong muli; palagi kang napatatatag. Nasuri mo na ang bawat kalagayan, at ayaw mong palaging mamuhay sa ganoon kahirap na paraan. Ayaw mong palagi kang mabagabag, magulo, o mapigilan ng mga paghihirap na ito. Gusto mong tuparin ang iyong tungkulin sa madali at simpleng paraan. Kaya paano mo ito maisasakatuparan? Dapat ay palagi mong hanapin ang katotohanan, palagi mong panindigan ang iyong paniniwala, at ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos ang siyang palaging tamang gawin. Sasabihin mo, “Walang sinumang makagugulo sa akin. Tungkulin ko ito; ito ang atas na ibinigay sa akin ng Diyos; responsabilidad at obligasyon ko ito. Kahit sino pa ang mangutya sa akin, magmanipula sa akin upang kwestyunin ko ang sarili ko, o manukso sa akin, hindi ito magtatagumpay. Karangalan kong magampanan ang aking tungkulin, at kung mapangangasiwaan ko ito, sa Diyos mapupunta ang lahat ng kaluwalhatian. Kung hindi ko ito mapangangasiwaan, ipinahiya ko ang aking sarili. Ang sinumang mangungutya sa akin at manghahamak sa tungkuling ito ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan.” Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Totoo ito. Noong sinubok si Job, ginulo at tinukso siya ni Satanas, ngunit nag-alinlangan ba si Job? (Hindi.) Dahil ang katotohanan, ang mga salita ng Diyos, at ang daan ng Diyos ay nasa puso niya. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon at pagsubok, kung naitataguyod mo ang katotohanan at naitataguyod ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos ay nakasalalay sa kung hanggang saan mo nalalaman, naaarok, at natatanggap ang katotohanan. May ilang tao na palaging puno ng pag-aalinlangan sa katotohanan, at hindi nila kayang lumagay sa posisyon ng katiyakan dito, o tungkol naman sa kanilang tungkulin, kailanman ay hindi sila sigurado kung paano nila dapat gawin ang isang bagay, at kung ito ang tamang paraan ng paggawa rito. Kailanman ay hindi nila nagagawang panindigan ang mga bagay na tama; palagi silang nagugulo ng ilang tao, pangyayari, at bagay, at kapag may mga buktot na tao, masamang tao, demonyo, o Satanas na nakikipaglapit sa kanila at nagsasabi ng mga bagay na nanunukso o gumugulo sa kanila, nanghihina at nalilihis sila. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay mababa ang tayog nila? (Oo.) Madali bang ayusin ang mababang tayog? Sa teorya, oo. Depende ito sa kung makasisiguro kang ang landas na tinatahak mo ay isang landas na pinangungunahan ng Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong isagawa ang katotohanan at tanggapin ang atas ng Diyos. Napakahalaga nito. Ang tanging bagay na dapat mong katakutan ay na sa iyong puso, may kinikilingan kang pananaw sa iyong tungkulin, at iniisip mong dahil sa iyong tungkulin ay napapahiya ka at nawawalan ng halaga. Kapag may kinikilingan ang iyong mga pananaw at dagdag pa roon ay ginugulo ka ng iba, lalo pa itong nagiging mahirap. Kapag litong-lito na ang iyong puso, hindi mo magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Noong sinubok si Job, maraming tao sa paligid niya na nanggulo sa kanya. Ano nga ba ang sinabi ng asawa niya? (“Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9).) Doon, ang ibig niyang sabihin ay, “Huwag kang sumampalataya. Kung ang Diyos talaga ang sinasampalatayanan mo, bakit mangyayari sa iyo ang mga bagay na ito?” Ano ang sinabi ni Job? (“Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae” (Job 2:10).) Kinondena ni Job ang kanyang asawa, dahil nakatitiyak na siya na ang Diyos ay ang tunay na Diyos, na ang Diyos ang may gawa nito, na ito ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at na gawa ito ng mga kamay ng Diyos. Lubhang nakatitiyak si Job, kaya sa sandaling maunawaan ngayon ng mga tao ang katotohanan, bakit hindi nila mapanindigan ang tunay na daan at mapanindigan ang kanilang patotoo? Ito ay dahil masyadong kontaminado ang puso ng mga tao; bukod sa hindi na nila nauunawaan ang katotohanan, hindi pa sila mga taong nagmamahal o naghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, kahit gaano pa karaming salita at doktrina ang kayang talakayin ng mga tao o gaano pa karaming tumataginting na salawikain ang kaya nilang bigkasin, sa huli, hindi nila kayang manindigan. Sa sandaling may isang tao sa iglesia na magsabi ng bagay na bahagyang naiiba, o may magsabi ng mga bagay na nakagugulo o nakalilihis, o na kumokondena o nanghihiya, iniisip nilang hinahamak at pinapahiya sila, at lubhang sumasama ang loob nila. Kung ang mga tao ay nagpapamalas sa ganitong paraan, palaging nagtatalo ang kalooban, at palaging ibinabagay ang kanilang mga pananaw, ngunit kasabay niyon ay palagi ring tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ipinagpapatuloy ang pag-unawa sa katotohanan, unti-unting pumapasok sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pumapasok sa lahat ng katotohanan, at sa huli ay naiiwasang magulo, maapektuhan, o makontrol ng anumang uri ng tao, pangyayari, at bagay, at matibay na naniniwala na ang mga katotohanang prinsipyong kanilang isinasagawa ay tama, nabago na nila ang kanilang disposisyon.

Sa kasalukuyan, kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin, posible pa rin ba kayong mapigilan ng bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay? Napanghahawakan ba ninyo ang katotohanan at nagagawa ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo? (Hindi.) Kung gayon, saan kayo karaniwang nahihirapan? (Minsan, kapag nakikita kong gumagawa ang ibang tao ng mga bagay na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ipinaaalam ko ito, ngunit kapag nakikita kong hindi nila ito tinatanggap, o na masama ang saloobin nila, natatakot akong magsimula ng pagtatalo, kaya nakikipagkompromiso ako.) Tama ba o mali ang pakikipagkompromiso? (Mali ito, ngunit nangangamba akong kung ipagpipilitan ko ang bagay na iyon, magkakaroon ng pagtatalo at masisira nito ang kapayapaan, at sasama ang tingin sa akin ng mga tao.) Kung nais mong umiwas sa mga pagtatalo, ang makipagkompromiso ba ang tanging paraan? Sa anong mga sitwasyon ka maaaring makipagkompromiso? Kung may kinalaman ito sa maliliit na bagay, tulad ng sarili mong interes o iyong pride, hindi na kailangang makipagtalo tungkol dito. Maaari mong piliing magparaya o makipagkompromiso. Ngunit sa mga bagay na maaaring makaapekto sa gawain ng iglesia at makapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, dapat mong sundin ang mga prinsipyo. Kung hindi mo sinusunod ang paniniwalang ito, hindi ka tapat sa Diyos. Kung pipiliin mong makipagkompromiso at talikuran ang mga katotohanang prinsipyo upang umiwas sa kahihiyan o pangalagaan ang iyong mga interpersonal na ugnayan, hindi ka ba makasarili at mababa? Hindi ba ito tanda ng pagiging iresponsable sa iyong tungkulin at hindi pagiging tapat sa Diyos? (Tanda nga ito.) Kaya, kung dumating ang oras sa panahon ng iyong tungkulin na ang lahat ay hindi nagkakasundo, paano ka dapat magsagawa? Malulutas ba ang problema kung makikipagtalo ka nang husto tungkol dito? (Hindi.) Kung gayon, paano mo dapat lutasin ang problema? Sa sitwasyong ito, ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan ay dapat mangunang lutasin ang isyu, ipresenta muna ang isyu at hayaan ang magkabilang panig na ipahayag ang kanilang opinyon. Pagkatapos, dapat hanapin ng lahat ang katotohanan nang sama-sama, at pagkatapos manalangin sa Diyos, dapat ilabas ang nauugnay na katotohanan sa mga salita ng Diyos para pagbahaginan. Pagkatapos nilang magbahaginan ng mga katotohanang prinsipyo at magkaroon ng kalinawan, magagawa na ng magkabilang panig na magpasakop. Dapat nilang matutunang magpasakop sa katotohanan. Kung karamihan ng mga tao ay nakapagpapasakop sa katotohanan, ngunit may iilan na hindi nagpapasakop sa katotohanan, o na hindi nahihikayat na maging makatwiran, sila ay mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, at ang mga kalikasan nila ay mga kalikasan ng masasamang tao, at madali silang makikilatis ng mga taong hinirang ng Diyos. Ito ang pinakamagandang paraan para lutasin ang isyu ng mga pagtatalo sa iglesia. Ang paggamit sa katotohanan upang lutasin ang mga problema ay isang mahalagang prinsipyo, at hindi maaaring walang prinsipyong makipagkompromiso ang isang tao. Kung, upang maingatan ang iyong mga personal na ugnayan, pride, at pansariling interes, ay nagagawa mong isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, nakikipagkompromiso ka kay Satanas. Hindi ito maprinsipyo, at hindi ito matapat sa Diyos. Kung ang bawat tao ay makikipaglaban upang makaiwas sa kahihiyan at ipagdidiinan ang sarili nilang mga dahilan, ito ba ang saloobin ng paghahanap sa katotohanan? Ito ba ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa kanyang tungkulin? (Hindi.) Para makamit ng isang tao ang pagkamatapat sa kanyang tungkulin, hindi siya dapat makipag-away para sa reputasyon o pansariling interes, dapat niyang hayaang ang Diyos ang magkaroon ng awtoridad, at hayaang ang katotohanan ang kanyang maging panginoon; ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat, at ang epektibong gawain ang pinakamahalaga sa lahat. Hindi ba’t tama ang prinsipyong ito? (Oo.) Kung makasusunod kayong lahat sa prinsipyong ito, ano pa ang pagtatalunan ng mga tao? Hindi na magkakaroon ng mga pagtatalo. Ang mga taong palaging nagpoprotekta sa sarili nilang mga interes at hindi talaga nagsasagawa ng katotohanan ay hindi mabubuting tao, at ang mga taong palaging nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos upang makuha ang pagsang-ayon ng iba ay mas masahol pa. Ang lahat ng taong ito ay mga hindi mananampalataya, at mga taong nagkakanulo sa Diyos. Kung ang isang tao ay nakipagtalo at nakipagdebate sa iba upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang pagiging epektibo ng gawain ng iglesia, at ang kanyang saloobin ay medyo hindi sumusuko, masasabi ba ninyong problema iyan? (Hindi.) Dahil tama ang kanyang layunin; ito ay upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang tao na tumatayo sa panig ng Diyos at sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, isang taong kinalulugdan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng isang malakas at determinadong saloobin kapag pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay isang tanda ng isang matatag na paninindigan at pagsunod sa mga prinsipyo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Maaaring madama ng mga tao na may problema sa saloobing ito, ngunit hindi ito malaki; wala itong kinalaman sa paghahayag ng tiwaling disposisyon. Tandaan, ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamahalaga.

Ang buhay pagpasok ay ang pinakamahalagang bagay. Saan ba pangunahing nauugnay ang buhay pagpasok? (Sa paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Pangunahin itong nauugnay sa paghahangad sa katotohanan. Tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang siyang may buhay pagpasok. Kung nais ng mga taong magkaroon ng buhay pagpasok, may kinalaman ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Paano dapat kilatisin kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan? Anong uri ng tao ang hindi naghahangad sa katotohanan? Alam ba ninyo? Ang unang uri na tinalakay Ko ay ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ano ang diwa ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? (Pagkatapos basahin ang mga salitang mula sa Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, wala silang makitang ugnayan sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng sarili nilang mga kalagayan at pagpapamalas; inisip nilang ibang tao ang tinutukoy ng Diyos.) Pangunahin na hindi nila nagagawang ihambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos, ngunit alam ba nila ito? (Hindi.) Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay walang kakayahang mapagtanto ang mga bagay na ito. Masayahin pa rin ang kanilang mga puso; inaakala nilang nauunawaan nila ang marami sa mga salita ng Diyos, ngunit sa katunayan, para sa kanila, ang bawat salita ay isa lamang regulasyon. Iniisip nila, “Kung may ipagagawa sa akin ang Diyos, gagawin ko ito. Kung may patatalikuran Siya sa akin, tatalikuran ko ito; kung ipaaalay Niya sa akin ang aking sarili, gagawin ko ito. Sa pagpapasakop sa Diyos sa ganitong paraan, ako ay naliligtas.” Matapos sumampalataya sa ganitong paraan nang ilang taon, iniisip nilang may kapital na sila, tulad ng kung paanong sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Kahit paano mo pa ito sabihin, walang espirituwal na pang-unawa si Pablo. Talagang kaawa-awa ito. Nakayayamot na ngang wala siyang espirituwal na pang-unawa, ngunit dagdag pa roon, hindi niya hinangad ang katotohanan. Itinuring niya ang lahat ng sarili niyang doktrina, salawikain, imahinasyon, kuru-kuro, kaalaman, at pilosopiya na para bang ang mga iyon ang katotohanan, at ginamit ang mga iyon bilang pundasyon kung saan palalawakin ang sarili niyang mga paghahangad. Ang resulta, anuman ang gawin niya, hindi niya isinasabuhay ang mga katotohanang realidad, at anuman ang gawin niya, hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos. Malubha ang problema niyang ito! Si Pablo ang nangunguna pagdating sa kawalan ng espirituwal na pang-unawa, hindi ba? (Oo.) Ang mga tao bang walang espirituwal na pang-unawa ay nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi, dahil ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay walang kakayahang maarok ang katotohanan, at kung hindi nila naaarok ang katotohanan, imposible nilang mahalin ang katotohanan. Paano nagpapamalas ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa? Ang pangunahing pagpapamalas ay na kahit paano pa makipagbahaginan sa kanila ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi pa rin sila nakauunawa, at kahit gaano pa kalinaw magbahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa katotohanan, wala pa rin silang kakayahang arukin ito. Direkta itong nauugnay sa pagkakaroon ng masyadong mahinang kakayahan. Kaya bang hangarin ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang katotohanan? Hindi nila ito magagawa kahit gustuhin pa nila. Hindi kayang unawain ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang tinatalakay ng Diyos, hindi nila alam kung anong mga kalagayan ang inilalantad ng Diyos, at hindi nila naihahambing ang kanilang sarili sa mga ito. Itinuturing nila ang lahat ng salita ng Diyos bilang mga regulasyon, mga kataga, mga salawikain, at doktrina, at kailanman ay hindi nila nalalaman na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Ano ang problema rito? Ito ay na masyadong mahina ang kanilang kakayahan, hindi talaga sila nagtataglay ng kakayahang makaarok, at nagpapamalas sila ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa.

Ang pangalawang uri ay mga taong may espirituwal na pang-unawa. Ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay kayang unawain ang katotohanan, ihambing ang kanilang sarili kapag kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, at unawain kung ano ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, kung anong mga katotohanan ang nasa mga salita ng Diyos, at kung ano ang hinihingi ng Diyos. Katumbas ba ng pagkakaroon ng pagpasok ang pagkakaroon ng kakayahang makaunawa? (Hindi.) Kung gayon, kapag sinabi Kong kaya nilang umunawa, ano ang tinutukoy nito? Ano ang tinatalakay nito? (Kaya nilang paghambingin ang mga salita ng Diyos at ang kanilang sarili.) Bahagi nito ang kakayahang maghambing ng kanilang sarili. Inaamin nila ang mga tiwaling disposisyon ng tao at ang bawat uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos. Kaya, may kakayahan ba silang malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos? Dapat nilang malaman sa isang partikular na antas—malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, malaman kung anong mga prinsipyo ang tinatalakay sa mga salita ng Diyos, at kung ano ang Kanyang mga layunin. Malinaw sa kanila ang mga bagay na ito at nauunawaan nila ang mga ito; iyon ang dahilan kung bakit tinatawag silang mga taong may espirituwal na pang-unawa. Kapag ang mga taong may espirituwal na pang-unawa ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, naihahambing nila rito ang kanilang sarili, nauunawaan nila kung ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi. Ipinakikita nito na ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng kakayahan at abilidad na maarok ang katotohanan. Kaya, ibig ba talagang sabihin ng pagtataglay ng kakayahan at abilidad na ito ay may buhay pagpasok na sila? (Hindi.) May ilang iba’t ibang sitwasyon. May ilang taong nakauunawa sa mga salita ng Diyos, at nagtataglay ng kakayahan at abilidad na maarok ang Kanyang mga salita, ngunit hindi kailanman inihahambing ang mga ito sa kanilang sarili. Inihahambing lang nila ang mga salita ng Diyos sa ibang tao, hinahanapan ng mga kapintasan ang ibang tao, ginagamit ang mga pagkukulang ng mga ito laban sa mga ito, hinahanapan ng mali ang mga kalagayan ng mga ito, at sinusubukang basahin ang iniisip ng mga ito, na para bang tagatukoy sila. Kapag wala silang magawa, pinag-iisipan nila kung ano ang iniisip ng ibang tao, sinusubukang tukuyin kung ano ang iniisip ng mga tao sa puso ng mga ito, kung ano ang mga kaisipan at ideya na nasa puso ng mga ito, kung ano ang layunin, hangarin, motibasyon, inaasam ng mga ito, at kung anong mga tiwaling disposisyon ang ipinakikita ng mga ito habang gumagawa ng mga bagay. Ano ang mithiin nila sa pagtukoy sa mga bagay na ito? Ang ihambing ang mga salita ng Diyos sa ibang tao, pagkatapos ay lutasin ang mga problema ng mga ito. Halimbawa, ang kapaligirang kinalalagyan ni “Mr. Smith,” kung ano ang kanyang pinagmulang pamilya, kung ilang taon na siyang sumasampalataya sa Diyos, kung ano ang mga karaniwan niyang suliranin, kung ano ang mga nagiging kahinaan niya kapag hinahangad ang pagbabago ng kanyang disposisyon, kung saan siya madalas na nahihirapan kapag may mga nangyayari, sa anong mga sitwasyon madali sa kanyang maging negatibo, kung gaano kahusay niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung paano niya hinaharap ang mga salita ng Diyos, at kung normal ang kanyang espirituwal na buhay—malinaw ang pag-arok nila sa lahat ng bagay na ito. Napakatalino nila, ngunit sa kasamaang-palad ay hindi nila ginagamit ang talino nila sa mga tamang lugar. Nilulutas nila ang mga problema ng ibang tao, ngunit sila mismo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kadalasan, ang ganitong uri ng tao ay isang lider o manggagawa, o isang taong may ilang responsabilidad. Problematiko ba ang ganitong paraan ng paghahangad na taglay ng ganitong uri ng tao? (Oo.) Problematiko ang ganitong paraan ng paghahangad, at malubha ito. Gaano kalubha? Dapat natin itong pagbahaginan. Ang ganitong uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa, kayang makaunawa ng mga salita ng Diyos, at marunong maghambing sa mga salita ng Diyos, ngunit kailanman ay hindi niya naihambing ang mga salita ng Diyos sa kanyang sarili; sa halip, inihahambing niya ang mga salita ng Diyos sa ibang tao. Ano ang mithiin niya sa paghahambing sa ibang tao? (Ang magpasikat.) Tama iyan. Nagpapasikat siya upang matupad ang kanyang mga pagnanais at ambisyon, upang mas mapatatag ang kanyang katayuan, at upang mas magkaroon siya ng kakayahang makuha ang loob ng mga tao. Ang katunayang kaya niya itong gawin ay nauugnay sa kanyang kalikasan, at direktang nauugnay sa kung ano ang hinahangad niya kapag sumasampalataya sa Diyos. Kung huhusgahan batay sa katunayan na ibinibigay niya ang buong puso niya sa mga bagay at ginagawa niya ang kanyang trabaho sa abot ng kanyang makakaya, at sa katunayang lubusan niyang naaarok ang lahat ng iba’t ibang kalagayan ng ibang tao, masasabi ba na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan? Hindi naman talaga. Kung gayon, paano matutukoy kung ang isang tao ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Kung masyado siyang responsable pagdating sa buhay pagpasok ng mga kapatid, ginagawa niya nang buong puso at buong sikap ang mga bagay, ginagawa niya nang napakabuti ang kanyang gawain, madalas niyang hinahanap ang katotohanan hinggil sa bawat uri ng kalagayan ng mga kapatid, at pagkatapos ay nilulutas ang mga problema, sa pamamagitan ng pagganap sa kanyang tungkulin nang ganito, isa na ba siyang kwalipikadong lider? Batay sa mga pagpapamalas at pagpapakita niyang ito, masisiguro ba na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi naman talaga.) Bakit? (Kaya niyang lutasin ang mga problema ng ibang tao, ngunit hindi niya kailanman naihambing ang mga salita ng Diyos sa sarili niya.) Kung hindi niya kailanman nalutas ang sarili niyang mga problema, paano niya lulutasin ang mga problema ng ibang tao? (Umaasa siya sa mga salita at doktrina upang malutas ang mga iyon.) Nakauunawa siya ng ilang salita at doktrina, may kaunting talino, may matalas na memorya, mabilis tumugon sa mga bagay, at sa sandaling makarinig siya ng isang sermon, nagagawa niyang ipangalandakan agad ito sa iba. Batay sa mga bagay na ito, may buhay pagpasok ba siya? (Wala.) Ang paglutas sa mga paghihirap ng ibang tao ngunit hindi kailanman paglutas sa sariling mga paghihirap ay hindi isang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan. Gumagamit lang siya ng doktrina at ng mga salita ng Diyos, o ng lahat ng uri ng taktika at pamamaraan, upang hikayatin at kumbinsihin ang ibang tao; ginagamit niya ang mga salita at doktrinang kanyang nauunawaan, o ginagaya at kinokopya niya ang mga salita ng karanasan sa buhay upang tulungan ang mga taong malutas ang paghihirap. Ginagamit niya ang mga pamamaraang ito upang lutasin ang mga paghihirap ng ibang tao sa halip na gamitin kung ano ang personal na niyang napagdaanan at ang mga aktuwal niyang karanasan upang lutasin ang mga ito. Pinatutunayan nito na ang taong ito ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan. Ano ba ang ibinibigay niya sa ibang tao? (Doktrina.) Bakit natin sinasabi na doktrina ito? Dahil hindi ito galing sa sarili niyang mga karanasan, hindi ito isang bagay na aktuwal niyang napagdaanan, at hindi ito ang tunay niyang pagkaunawa. Ano ba talaga ang ipinandidilig niya sa iba? Doktrina, mga kataga, at mga salitang nanghihikayat at nagpapalubag-loob sa mga tao. Gumagamit din siya ng mga pamamaraan, taktika at talino ng tao, at anuman ang mangyari, iniisip niyang ang pagsagot sa mga katanungan ng mga tao ay paglutas sa mga problema, at na paggawa ito. Batay sa kanyang mga pagpapamalas, sa mga bagay na ibinibigay niya sa iba, sa paraan ng paggawa niya, at sa landas na tinatahak niya, ang tao bang ito ay isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t medyo mapagkunwari ang paggamit ng katotohanan upang lumutas ng mga problema gayong siya mismo ay walang pagpasok? (Oo.) Mapagkunwari ito; mapagpaimbabaw ito, at nanlilinlang ito ng iba. Kaya, magagampanan ba nang maayos ng mga ganitong tao ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at may direktang kaugnayan ang pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao at ang pag-unawa sa katotohanan. Halimbawa, dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang madiligan ang iglesia; dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang malutas ang mga problema; dapat ding maunawaan ng isang tao ang katotohanan upang mapangasiwaan ang mga problema; lalo pang kinakailangan ang pag-unawa sa katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis sa mga tao. Ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia ay may kinalaman sa katotohanan; kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya gagawin nang maayos ang mahalagang gawain ng iglesia, at sapat lang ang magiging paggawa niya sa mga pangkalahatang gawain. Samakatuwid, kung hindi naghahangad sa katotohanan ang isang lider, kahit na gaano pa siya kaabala, gaano pa karaming pisikal na gawain ang kanyang gawin, o gaano pa siya katinding magdusa, hindi magiging mahusay ang trabaho niya, at hindi niya magagampanan ang kanyang tungkulin sa buong saklaw ng trabaho at mga responsabilidad. Kapag nagtatrabaho siya, nagpaparoo’t parito siya nang walang dahilan, nakikita niya kung saan may mga problema at inaayos niya ang mga iyon sa napakasimpleng paraan. Kapag may isang taong may kung anumang problema, nagbabahagi siya ng kaunting doktrina, at kapag may isang taong negatibo at nanghihina, pinalalakas niya ang loob nito at hinihikayat ito; ito ang mga bagay na kanyang ginagawa. Iniisip niyang kung susubaybayan niya ang mga taong kanyang pinangungunahan, basta’t abala ang lahat at hindi batugan ay ginagawa na niya nang maayos ang kanyang trabaho, at na kung kaya niyang umikot sa lahat ng dako at magsiyasat at mangasiwa ng gawain, kung walang sinumang magsusumbong o maglalantad sa kanya, kung magagawa niyang mangaral at magsalita saanman siya magpunta, at kung maayos na umuusad ang lahat ng bagay nang walang anumang balakid, ay ginagampanan na niya ang kanyang mga responsabilidad at tungkulin. Pagsasakatuparan ito sa gawain mula sa posisyon ng katayuan, hindi paggamit sa katotohanan upang lumutas ng mga problema sa isang praktikal na paraan. Pinahahalagahan niya ang paggawa sa trabaho, at habang pinahahalagahan ang paggawa, maaaring wala siyang anumang ginagawa para sa kanyang katayuan—ang tanging ginagawa niya ay walang-humpay na gumamit ng doktrina at mga salawikain upang hikayatin ang taong ito o palakasin ang loob ng taong iyon, walang-humpay na nagpapakaabala sa gawaing ito. Iniisip niyang basta’t hindi siya batugan, ayos lang ito. Ang unang bagay ay hindi siya maaaring magpabaya, ang pangalawa ay dapat siyang maging masipag, at ang pangatlo ay dapat niyang makayanan ang pagdurusa. Nagkukumahog siya buong araw—kung may problema kung saan man ay dapat itong maayos sa lalong madaling panahon, at dapat ay palagi siyang magtanong-tanong kung may anumang problema ang sinuman. Iniisip niyang ang paggawa nito ay paghahangad sa katotohanan. Ang totoo, ang pagkakaroon ba ng mga pagpapamalas na ito ay talagang nangangahulugang hinahangad niya ang katotohanan? Talaga bang nangangahulugan itong may buhay pagpasok siya? Kwestyonable pa rin ang bagay na ito. Ito ang unang pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ngunit hindi naghahangad sa katotohanan.

Ang pangalawang pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ngunit hindi naghahangad sa katotohanan ay nagagawa nilang unawain ang mga salita ng Diyos, unawain ang praktikal na aspekto ng sinasabi ng Kanyang mga salita, at nagagawa nilang ihambing ang mga salita ng Diyos sa kanilang sarili, ngunit kailanman ay hindi nila ito isinasagawa. Ang ganitong uri ng tao ay hindi gumagawa ng mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, o alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila pinipigilan ang kanilang sarili. Kapag may nangyari, gusto lang nilang pilitin ang mga taong magpasakop at makinig sa kanila, ngunit sila mismo ay ayaw magpasakop sa katotohanan. Itinuturing nila ang pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa katotohanan bilang responsabilidad, obligasyon, at tungkulin ng ibang tao, at bilang isang bagay na dapat gawin ng ibang tao. Itinuturing nila ang kanilang sarili na para bang naiiba sila. Kahit gaano pa karami ang kanilang nauunawaan, o gaano karami sa mga salita ng Diyos ang kaya nilang iugnay sa kanilang sarili, iniisip nilang ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay patungkol sa ibang tao at walang kinalaman sa kanila. Kaya, ano ang ginagawa nila? Napakaabala rin nila. Pumupunta sila sa iglesia at tinitingnan nila kung sino ang may puna sa kanila, at pagkatapos ay tinatandaan ito. Pagkatapos, pag-iisipan talaga nilang mabuti kung paano “ayusin” ito. Sinasabi nila, “Magtapatan at magbahaginan tayo. Anuman ang iniisip mo sa loob mo, anuman ang mga opinyon mo tungkol sa akin, at anuman ang mga puna mo sa akin, ipaalam mo lang sa akin at gagawin ko ang makakaya ko para magbago at ibahin ang paggawa ko sa mga bagay.” Ano ang mithiin nila sa pagbabago? Ang magustuhan sila ng ibang tao. Bukod dito, tinitingnan nila kung sino ang may puna sa kanila, at kung sino ang hindi nagpapasakop sa kanila, at pagkatapos ay naghahanap sila ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos upang “ayusin” ito. Sinasabi nila, “Ang Diyos ay ang pinuno kapag naghahalal ang sambahayan ng Diyos ng mga lider at manggagawa. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ay ang awtoridad. Ang sinumang ihalal ng mga kapatid bilang lider, iyon ang nais ng Diyos, at dapat kayong magpasakop dito. Hindi ka nagpapasakop sa akin, kundi sa patnubay ng Banal na Espiritu, at sa katotohanan. Kung hindi ka magpapasakop, maparurusahan ka!” Pagkatapos makinig, may ilang taong nakaaalam na mali ang pagkaunawa ng lider sa mga salita ng Diyos, at binabaluktot nito ang mga katunayan upang manlihis ng mga tao, at hindi ito nakikinig. Kapag nakita ng lider na hindi masyadong nagpapasakop sa kanya ang mga taong ito, iniisip niya, “Ayaw mong magpasakop sa akin, hindi ba? May iba pa akong mga paraan ng pakikitungo sa iyo. Hindi na kita pakikitunguhan nang may diplomasya.” Sinasabi ng lider sa mga taong hindi nagpapasakop sa kanya, “Natapos mo na ba ang gawaing ibinigay ko sa iyo?” At sinasabi ng mga tao, “Kaunti na lang ang kailangan kong gawin bago ito matapos. Hindi ito magdudulot ng anumang pag-antala.” Sinasabi ng lider, “Paano naging hindi pag-antala ang pagkakaroon ng kaunti pang natitira? Sa mga mata ng Diyos, ang kaunti ay marami. Isa itong pagpapamalas ng pagiging hindi tapat. Tinatawag mo itong paggawa sa iyong tungkulin?” Ang totoo, ito ba talaga ang gustong sabihin ng lider? Anong mithiin ang nasa puso niya? Gusto niyang puwersahin ang ibang tao na magpasakop, talunin ang mga ito, at ipakita sa mga ito na hindi sila kasinggaling gaya ng inaakala nila, ngunit hindi niya iyon puwedeng sabihin nang direkta. Kung gagawin niya iyon, makikita ng mga kapatid ang tunay niyang kulay at ilalantad siya ng mga ito, kaya dapat siyang makahanap ng matuwid na dahilan at katwiran sa paggawa ng mga bagay; dapat niyang supilin ang mga tao sa isang paraang “matuwid at makatwiran,” upang pagkatapos niyang supilin ang mga tao ay hindi ito maging halata sa iba, mapasunod nito ang mga taong nabanggit, at maisakatuparan ang mithiin ng lider na mapatatag at mapatibay ang kanyang katayuan. Anong disposisyon ito? (Mapaminsala at mapagpakana siya.) Siya ay mapaminsala, mapagpakana, mapanira, at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan. Hindi niya pinapansin ang mga bagay na walang kinalaman sa kanyang katayuan, at hindi niya isinasapuso ang mga iyon, ngunit pagdating sa mga bagay na nakaaapekto sa kanyang kasikatan, pakinabang, katayuan, pride, at kanyang posisyon sa iglesia, pinanghahawakan niya ang mga bagay na ito at hindi binibitiwan, at nagsisimula siyang magseryoso. Kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa mga regular niyang pagtitipon, minsan ay makikilala niya ang kanyang sarili, maihahambing ang mga salita ng Diyos sa kanyang sarili, at mailalantad ang sarili niyang tiwaling disposisyon, ngunit may hangarin sa likod nito, isang layunin: Ang lahat ng ito ay upang mahikayat ang iba na tingalain siya, kainggitan siya, at igalang siya, at upang mapatibay ang kanyang katayuan. May mga ambisyon siya at isang hangarin. Kung hindi ito alang-alang sa kanyang katayuan, hindi siya nagsasalita; kung hindi ito alang-alang sa pagsiguro sa kanyang katayuan, wala siyang ginagawa—ang lahat ng kanyang ginagawa ay alang-alang sa kanyang katayuan. Magkakanda-kuba siya sa pagtatrabaho alang-alang sa kanyang katayuan, ngunit kung alang-alang ito sa gawain ng iglesia, kapag nakakita siya ng mga problema ay hindi niya lulutasin ang mga iyon, kapag nag-ulat ng mga problema ang ibang tao ay hindi niya tutugunan ang mga iyon, at hindi siya kikilos upang asikasuhin ang anumang bagay; nakikita niyang abala ang ibang tao sa pagganap sa mga tungkulin ng mga ito, ngunit wala talaga siyang ginagawa. Anong uri ng tao ito? (Isang napakababa at ubod ng samang taong nabubuhay lang para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan.) Ang isa bang taong nabubuhay lang para sa katayuan ay isang taong naghahangad sa katotohanan? May kakayahan ba siyang hangarin ang katotohanan? (Wala.) Mahirap masabi. Kung may kaunti siyang konsensiya, may kahihiyan, may dangal at karakter, at nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan pagkatapos dumanas ng kaunting pagkastigo at paghatol, dumanas ng pagpupungos, o ng pagsubok at pagpipino, posible niyang mabago ang mga bagay. Gayunpaman, kung siya ay manhid, mapurol ang utak, mapagmatigas, at hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, kahit gaano pa kalawak ang nauunawaan niya, may saysay ba ito? (Wala.) Kahit gaano pa kalawak ang nauunawaan niya ay hindi nito maaantig ang kanyang puso. Kahit gaano pa sila kaabalang tingnan, kahit gaano pa karaming oras ang gugulin nila sa pagparoo’t parito sa mga kalye, kahit gaano pa ang isakripisyo, isuko, at gugulin nila, maituturing bang mga naghahanap ng katotohanan ang mga uri ng taong nagsasalita at kumikilos lamang alang-alang sa katayuan? Talagang hindi. Para sa katayuan, magbabayad sila ng anumang halaga. Para sa katayuan, daranas sila ng anumang paghihirap. Para sa katayuan, hindi sila titigil kahit anong mangyari. Sinusubukan nilang hanapan ng baho ang iba, palabasing may kasalanan sila, o pahirapan sila at yurakan ang ibang tao. Ni hindi sila natatakot na maparusahan at mapaghigantihan; kumikilos sila alang-alang sa katayuan nang hindi man lang iniisip ang mga kahihinatnan. Ano ba ang hinahangad ng mga taong kagaya nito? (Katayuan.) Ano ang pagkakatulad nito kay Pablo? (Ang paghahangad ng putong.) Hinahangad nila ang putong ng katuwiran, naghahangad sila ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, at itinuturing nilang lehitimong paghahangad ang paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang sa halip na hangarin ang katotohanan. Ano ang pinakapangunahing katangian ng gayong mga tao? Ito ay na sa lahat ng aspekto, kumikilos sila alang-alang sa katayuan, kasikatan, at pakinabang. Ang ganitong uri ng tao, na gumagawa ng mga bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ay pinakabihasa sa panlilihis ng iba. Kapag una mo siyang nakilala, hindi mo makikita ang tunay niyang kulay. Makikita mo na tila maganda ang doktrinang kanyang tinatalakay, tila praktikal ang kanyang sinasabi, talagang akma ang gawaing kanyang isinasaayos, at tila may kakayahan siya, at medyo hinahangaan mo siya. Ang ganitong uri ng tao ay handa ring magbayad ng halaga kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin. Araw-araw siyang nagtatrabaho nang husto ngunit hindi kailanman nagreklamo na napapagod na siya. Wala siyang kahit kaunting karupukan. Kapag nanghihina ang ibang tao, siya ay hindi. Hindi rin siya nagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, at hindi siya mapili sa pagkain. Kapag may espesyal na inihanda para sa kanya ang pamilyang nagpapatuloy sa kanya, tinatanggihan niya ito at hindi kinakain. Kumakain lang siya ng mga ordinaryong pagkain. Ang sinumang nakakakita ng mga ganitong tao ay humahanga sa kanila. Kaya, paano makikilatis kung ginagawa niya ang mga bagay alang-alang sa katayuan? Una, dapat tingnan kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan. Saan ito mahahalata? (Sa kanyang layunin at pinagsisimulan kapag gumagawa ng mga bagay.) Isang bahagi ito. Pangunahin itong mahahalata sa mithiing kanyang hinahangad. Kung ito ay alang-alang sa pagtamo sa katotohanan, pahahalagahan niya ang madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kung madalas siyang nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa kanyang sarili, makikita niyang masyadong maraming bagay ang wala sa kanya, na hindi niya tinataglay ang katotohanan, at likas niyang pagsisikapang hangarin ang katotohanan. Habang mas nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili, lalo nilang nagagawang hangarin ang katotohanan. Ang mga taong palaging nagsasabi at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag sila ay pinupungusan, hindi nila ito tinatanggap—takot na takot silang masira ang kanilang reputasyon. Kaya, nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at pagnilayan ang kanilang sarili? Kaya ba nilang tunay na unawain ang mga paglihis sa sarili nilang karanasan? Kung wala sila ng alinman sa mga pagpapamalas na ito, makakatiyak na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, ano pa ang ibang pagpapamalas ng mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at na naghahangad sa katayuan? (Kapag pinupuna sila ng ibang tao, hindi nila ito tinatanggap, at sa halip ay nagiging depensibo sila, pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili, at nagdadahilan sila. Nagsasalita sila upang mapanatili ang kanilang pride at maingatan ang kanilang katayuan. Kung may taong hindi sumusuporta sa kanila, inaatake at hinuhusgahan nila ito.) Kapag inaatake at hinuhusgahan ng mga tao ang iba, at nagsasalita sila at ipinagtatanggol ang kanilang sarili alang-alang sa sarili nilang pride at katayuan, ang hangarin at mithiin sa likod ng kanilang mga kilos ay malinaw na mali, at ganap silang nabubuhay para sa katayuan. Ang uri ba ng mga tao na nagsasabi at gumagawa ng lahat ng bagay alang-alang sa katayuan ay may pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Iniisip nilang kung isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos ay dapat nilang isagawa ang katotohanan, at kung isinasagawa nila ang katotohanan ay dapat silang magdusa at magbayad ng halaga. Pagkatapos, mawawala na sa kanila ang kasiyahang kaakibat ng katayuan, at hindi na nila matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, pinipili na lang nilang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hangaring makakuha ng mga gantimpala. Sa ano pang mga paraan nagpapamalas ang mga taong naghahangad ng katayuan? Ano pang mga bagay ang ginagawa nila? (Kung makakakita sila ng ilang talentadong indibidwal sa paligid nila na mas regular na naghahangad sa katotohanan, at na karapat-dapat sa paglilinang, at na mas may tendensiyang suportahan ng mga kapatid, dala ng takot na lalabanan at papalitan sila ng mga taong ito, at magiging banta sa kanilang katayuan, nag-iisip sila ng mga paraan upang supilin ang mga talentadong indibidwal na ito, at naghahanap ng lahat ng uri ng dahilan at palusot upang ipahiya ang mga ito. Ang pinakakaraniwang paraan ay ang bansagan ang mga ito na masyadong mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at palaging pumipigil sa iba, at papaniwalain ang mga tao na totoo ang mga bagay na ito, at hindi hayaan ang sambahayan ng Diyos na itaas ang posisyon o linangin ang mga indibidwal na ito.) Ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas. May iba pa ba kayong gustong idagdag? (Palagi nilang gustong magpatotoo para sa sarili nila at magpasikat. Palagi silang nagkukuwento ng kung anong kamangha-manghang bagay tungkol sa sarili nila; kailanman ay hindi sila nagkuwento ng hindi magandang aspekto nila, at kung may gawin silang masama, hindi nila pinagninilayan o hinihimay ang kanilang mga kilos.) Palagi nilang ikinukuwento kung paano sila nagdurusa at nagbabayad ng halaga, kung paano sila pinapatnubayan ng Diyos, at ipinakikita ang gawaing natapos nila. Bahagi rin ito ng paraan ng pagpapamalas sa pagprotekta at pagpapatibay ng katayuan. Ang mga taong naghahangad ng katayuan at gumagawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan ay may isa pang—mas kapansin-pansing—katangian, ito ay na anuman ang mangyari, sila dapat ang may huling salita. Naghahangad sila ng katayuan dahil gusto nilang sila ang may huling pasya. Gusto nilang sila ang nasusunod, at ang tanging taong may awtoridad. Anuman ang sitwasyon, dapat silang pakinggan ng lahat, at kahit na sino pa ang may isyu, dapat silang lumapit sa kanya at maghanap at humingi ng gabay. Ang mga pakinabang na ito ng katayuan ang nais nilang matamasa. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila dapat ang may huling pasya. Kahit pa tama o mali ang sinasabi nila, kahit na mali ito, kailangan ay sila pa rin ang may huling pasya, at dapat nilang magawang mapakinggan at sundin ng iba. Isa itong malubhang problema. Anuman ang sitwasyon, dapat ay sila ang may huling pasya; nauunawaan man nila ang sitwasyong ito o hindi, kailangan silang manghimasok dito at magkaroon ng huling pasya. Anuman ang usaping pinagbabahaginan ng mga lider at manggagawa, sila dapat ang magdesisyon, at walang pagkakataon ang iba para magsalita. Anuman ang solusyong imumungkahi nila, dapat nilang magawang tanggapin ito ng lahat, at kung hindi ito tatanggapin ng iba, magagalit sila at pupungusan nila ang mga ito. Kung may mga puna o opinyon ang sinuman, kahit na tama ito at naaayon sa katotohanan, kailangan nilang isipin ang lahat ng uri ng paraan upang tutulan ito. Masyado silang magaling sa tusong pangangatwiran, hihimukin nila ang taong ito gamit ang matatamis na pananalita, at sa huli ay mapapasunod nila ito na gawin ang mga bagay-bagay sa paraang gusto nila. Dapat ay sila ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Hindi sila kailanman nakikipagnegosasyon sa mga katrabaho o kapareha nila; hindi sila demokratiko. Sapat na ito upang mapatunayang masyado silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, hindi talaga nila kayang tanggapin ang katotohanan, at hindi talaga sila nagpapasakop sa katotohanan. Kung may mangyayaring isang malaking bagay, o isang bagay na napakahalaga, at magagawa nilang hayaan ang lahat na gumawa ng pagsusuri at magpahayag ng kanilang opinyon, at sa huli ay makapili ng isang paraan ng pagsasagawa ayon sa opinyon ng nakararami, at tiyaking hindi nito mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at na magiging kapaki-pakinabang ito sa kabuuan ng gawain—kung ito ang kanilang saloobin, sila ay taong nagpoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at taong kayang tumanggap sa katotohanan, dahil may mga prinsipyo sa likod ng paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan. Gayunpaman, ang mga tao bang naghahangad ng katayuan ay gagawa ng mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Paano nila gagawin ang mga bagay? Kung may mangyayari, wala silang pakialam kung ano ang payo ng ibang tao. May solusyon o desisyon na siya bago pa man magbigay ng payo ang mga tao. Sa kanilang puso, nakapagpasya na sila na iyon ang gagawin nila. Sa puntong ito, anuman ang sabihin ng mga tao, hindi nila ito papansinin. Kahit na pagsabihan sila ng isang tao, wala talaga silang pakialam. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo, kapaki-pakinabang man ito sa gawain ng iglesia, o kaya man itong tanggapin ng mga kapatid. Wala ang mga bagay na ito sa saklaw ng kanilang pagsasaalang-alang. Ano ba ang isinasaalang-alang nila? Kailangan ay sila ang may huling pasya; gusto nilang sila ang maging tagapasya sa bagay na ito; dapat ay magawa ang bagay na ito sa paraang gusto nila; dapat nilang tingnan kung kapaki-pakinabang ba ang bagay na ito sa kanilang katayuan o hindi. Ito ang perspektibang ginagamit nila sa pagtingin sa mga bagay. Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay gumagawa ng mga bagay, palagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang; palagi nilang isinasaalang-alang kung paano ito nagiging kapaki-pakinabang sa kanila. Ito ang kanilang pinagsisimulan sa paggawa ng mga bagay.

May ilang taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan. Talagang may ilang tao ngang ganito. Tungkol naman sa mga pangunahing pagpapamalas nila, ang unang uri ay ang paggawa ng mga bagay alang-alang sa paggawa ng mga iyon; mahilig silang magtrabaho at hindi sila mapakali. Basta’t abala sila sa paggawa ng isang bagay ay masaya sila, pakiramdam nila ay matagumpay sila, at nabubuhayan sila ng loob. Ang pangalawang uri ng pagpapamalas ay ang paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan. Masyadong matindi ang mga ambisyon at pagnanais ng ganitong uri ng mga tao. Palagi nilang gustong makontrol at makuha ang loob ng mga tao, at palagi silang nagnanais na palitan ang Diyos. Ang pagnanais na palitan ang Diyos—alin sa mga paghahangad ni Pablo ang nauugnay rito? (Ang paghahangad niyang maging si Cristo.) Ang layunin nila sa paghahangad sa katayuan ay hindi lang maging isang taong nakahihigit sa iba, isang taong may katayuan na iginagalang iba. Ang pinakamithiin nila ay ang makuha ang loob ng mga tao at makontrol ang mga ito, ang mahikayat ang iba na igalang sila at ituring sila na parang Diyos, at ang mahikayat ang lahat na sundin sila, magpasakop sa kanila, at sumampalataya sa kanila. Ano ang ipinahihiwatig ng lahat ng ito? Na sila ang magiging Diyos sa puso ng mga tao. Hindi ito paghahangad sa katotohanan, kundi sa halip ay paghahangad kay Satanas. Ang paghahangad sa katayuan ay malinaw na hindi paghahangad sa katotohanan, at ang paghahangad sa trabaho o reputasyon ay hindi rin paghahangad sa katotohanan. Ano pa ba ang ibang mga pagpapamalas? (Naghahangad sila ng mga pagpapala.) Tama iyan. Ibinibigay nila ang hinihinging kapalit, iniaalay ang sarili, nagdurusa, at handa silang talikuran ang pansarili nilang interes sa lahat ng uri ng bagay, pero ginagawa nila ito para pagpalain sila. Nagpapamalas lang sila sa ganitong paraan alang-alang sa pagtanggap ng pagpapala at pagkakaroon ng magandang destinasyon. Hindi rin ito paghahangad sa katotohanan. Ito ang pangatlong paraan ng pagpapamalas ng mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan. Tulad ni Pablo, ginagawa nila ang mga bagay at nagdurusa sila para pagpalain at alang-alang sa destinasyon nila, pinagbabayaran nila ang anumang halaga. Malinaw ang layunin nila sa paggawa ng mga bagay: Anuman ang pinakamahalaga at pinakakinakailangan para makatanggap ng mga pagpapala, iyon lang ang pinagtutuunan nilang gawin. Basta’t nakakakuha sila ng pagsang-ayon at suporta mula sa mga kapatid, ayos lang ito. Nakatuon lang sila sa kung ano ang tingin sa kanila ng lahat, kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas, at kung nasa puso sila ng Diyos. Basta’t siguradong pagpapalain at gagantimpalaan sila, ayos lang ito. Gayunpaman, hindi nila kailanman ginagamit ang katotohanan para suriin ang ginagawa nila, at hindi nila kailanman isinusuko ang kagustuhang pagpalain; hindi sila nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung may gagawin sila nang hindi maayos at pupungusan sila, kung hindi malulugod sa kanila ang Itaas, at makikita nilang wala silang pag-asang mapagpala o marahil ay makatanggap ng magandang destinasyon, magiging negatibo na sila at susuko, hindi na nila gugustuhing gawin ang kanilang tungkulin. May ilan pa ngang ayaw lang talagang sumampalataya; iniisip nilang walang saysay ang pagsampalataya sa Diyos. Ang tatlong paraan ng paghahangad sa itaas ay pawang mga landas na sinusundan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Maraming ganitong uri ng tao sa bawat iglesia, at silang lahat ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Anuman ang tungkuling ginagampanan nila, palagi nila itong iniuugnay sa pansarili nilang interes, sa pagtanggap ng mga pagpapala, at sa pagkakaloob sa kanila ng gantimpala, at hindi nila ito kailanman iniuugnay sa buhay pagpasok nila, sa pag-unawa sa katotohanan, o sa pagbabago ng kanilang disposisyon. Kahit gaano karaming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, o gaano karaming taon na silang gumaganap ng mga tungkulin, hindi nila kailanman hinangad na makilala ang sarili, hindi sila kailanman naghangad ng buhay pagpasok, at hindi nila kailanman hinangad na mahalin ang Diyos o magpasakop sa Diyos. Anuman ang ginagawa nila, hindi nila hinahanap ang katotohanan. Anuman ang katiwaliang ipinapakita nila, hindi nila ito inihahambing sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Anuman ang ginagawa nila, makasarili at napakababa ng mga layunin nila, patungkol lahat sa pagkakaroon ng mga pagpapala at personal na pakinabang. Kahit paano pa sila pungusan, hindi sila nagninilay sa sarili nila, at iniisip pa rin nilang tama sila. Bihirang maging negatibo ang ganitong uri ng mga tao. Hindi sila natatakot sa gaano man katinding pagdurusa kung ibig sabihin naman nito ay pagpapalain sila at makakapasok sa kaharian. Tunay ngang matiyaga sila, pero napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magnilay sa sarili nila at makilala ang kanilang sarili, at iniisip nilang mabuti naman ang lagay nila. May isa pang pagpapamalas ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan: May ilang taong marami nang napakinggang sermon, ngunit hindi interesado sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, o sa mga salita Niya na naglalantad sa iba’t ibang kalagayan ng mga tao. Kahit na nauunawaan nila ang mga bagay na ito, hindi sila interesado. Kaya, bakit sumasampalataya pa rin sila sa Diyos kung hindi naman sila interesado? Talagang may malabo at di-makatotohanan silang kaisipan sa puso nila. Sinasabi nila, “Hindi ko alam kung ano ang kayang gawin ng Diyos sa lupa. Hindi ko masabi. Tila ang pangunahin Niyang nagagawa ay ang magbahagi tungkol sa katotohanan. Hindi ko masyadong nauunawaan ang mga diumano’y katotohanang ito, pero anupaman, medyo maganda ang mga bagay na sinasabi Niya, at sumusunod ang mga tao sa tamang landas dahil sa Kanya. Gayunpaman, hindi ko masabi kung Diyos talaga Siya o hindi.” Yamang masyado nilang pinagdududahan ang Diyos, bakit nananatili pa rin sila sa sambahayan ng Diyos sa halip na umalis? Ito ay dahil may malabo silang pananaw at pantasya sa kanilang puso. Iniisip nila, “Kung patuloy akong magpapalipas ng oras dito, posible kong matakasan ang kamatayan sa huli, at sa pagtagal ay makapasok ako sa langit at makatanggap ng malalaking pagpapala.” Kaya, habang naghahangad ang iba ng pagbabago sa disposisyon at tumatanggap ng pagpupungos, nandoon sila at nagdarasal sa Diyos sa langit, nagsasabing, “O Diyos, akayin Mo ako sa mga paghihirap na ito, at idulot Mo na magawa kong tanggapin ang pagpupungos. Handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Mo.” Naririnig mong hindi mali ang mga salitang idinarasal nila, pero hindi nila kailanman inaamin ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon o pagkakamali. Sa puso nila, kinikilala lang nila ang Diyos sa langit. Para naman sa Diyos sa lupa—ang Diyos na nagkatawang-tao—at sa mga salita ng Diyos na humahatol, hindi nila pinapakinggan ang mga ito, na para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salitang ito. Ganito kasimple at kawalang-kabuluhan ang pananampalataya nila sa Diyos. Kahit paano pa talakayin ng iba ang tungkol sa tiwaling disposisyon ng mga tao at sa pangangailangang maghangad ng pagbabago sa disposisyon, iniisip-isip nila, “Paanong masyado kayong nagawang tiwali lahat at ako ay hindi?” Iniisip nilang perpekto sila at walang kapintasan, at wala silang tiwaling disposisyon. Minsan, may negatibo silang panghuhusga o nanghahamak sila ng iba, pero itinuturing nila itong normal, iniisip nilang masamang kaisipan lang ito at mawawala rin ito kung pipigilan nila. O kaya, kapag nakikita nilang naghihimagsik ang ibang tao laban sa Diyos, iniisip nila, “Hindi ako kailanman naghimagsik laban sa Diyos. Hindi kailanman natinag ang pagmamahal ko sa Kanya sa puso ko.” Sinasabi lang nila ang ilang pangungusap na ito at hindi nila pinagninilayan ang sarili nila o nalalaman kung paano kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga ganitong tao ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung ganoon, bakit napakataas pa rin ng tingin nila sa sarili nila, at iniisip nilang hindi masama ang ganitong paraan ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang nangyayari dito? Ipinakikita nitong hindi nila minamahal ang katotohanan. Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, anong uri sila ng mga tao? Sa anong mga paraan sila nagpapamalas? Mahusay silang magsalita, matalas ang isip, madaling matuto, at may mahusay na kakayahang umunawa ng mga bagay. Nauunawaan nila ang sinasabi mo pagkabigkas mo pa lang ng mga salita, at masyado silang mabilis makaunawa ng doktrina. Gayunpaman, kahit ano pa ang maunawaan nila, hindi pa rin nagbabago ang direksyon at layunin ng paghahangad nilang makatanggap ng mga pagpapala. Higit pa rito, itinuturing nila ang mga katotohanang nauunawaan nila bilang mga teolohikal na teorya, o bilang isang uri ng doktrina o pagtuturo. Hindi nila iniisip na ang mga iyon ang katotohanan, at samakatuwid ay hindi nila isinasagawa o dinaranas ang mga iyon, lalong hindi ginagamit ang mga iyon sa buhay nila. Tinatanggap at ipinangangaral lang nila ang mga doktrinang gusto nila at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na may nakamit na sila. Ang makapangaral ng mga doktrina at makapagpahanga ng maraming tao ang pinakamalaking bagay na nakakamit nila sa pananampalataya sa Diyos. Tungkol naman sa kung isinasagawa nila ang katotohanan o mayroon silang anumang pagkakilala sa sarili, iniisip nilang maliliit na bagay ang mga ito at walang kabuluhan, at na ang makapangaral ng mga espirituwal na doktrina, makasagot ng mga katanungan, at mapahanga ang ibang tao ang pinakamahalagang bagay at ito ang dahilan kung bakit sila nagiging kwalipikadong magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, hindi nila binibigyang-pansin ang pagsasagawa ng katotohanan, hindi sila nagninilay sa sarili nila, at nasisiyahan lang sila kapag nakakapangaral sila ng mayayabang na sermon. Medyo malubha ang problemang ito, mas malubha pa sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, dahil malinaw nilang nalalaman na ito ang katotohanan pero hindi nila ito isinasagawa o dinaranas. Isa itong taong tutol sa katotohanan at ginagawang biro ang katotohanan. Hindi ba’t napakalubha ng kalikasan ng problemang ito?

Ngayon, nakikilatis na ninyo ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan, tama ba? Nagpapamalas ba kayo gaya ng ganitong uri ng tao sa anumang paraan? (Oo, pangunahing dahil sa gumagawa ako ng mga bagay alang-alang sa katayuan.) Ang pagsasabi ng mga bagay alang-alang sa katayuan at paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan—umiikot sa katayuan ang lahat ng bagay; mahirap ito. Posible bang hangarin ang katotohanan nang ganito? Ano ang mga pagpapamalas ng paggawa ng mga bagay alang-alang sa katayuan? Pangunahin na, kaakibat nito ang pagtuon sa sariling mukha, imahe, at dangal ng isang tao, pati na sa katayuan niya sa puso ng iba—kung tinitingala at iginagalang siya ng iba. Anuman ang ginagawa niya, binibigyang-pansin lang niya ang mga aspektong ito, hindi niya kailanman dinadakila o pinatototohanan ang Diyos. Halimbawa, kapag ang isang taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nakakilala ng isang bagong mananampalataya, iniisip niya sa puso niya, “Ilang taon ka pa lang sumasampalataya sa Diyos, wala kang anumang nauunawaan,” at hinahamak niya ito. Kung gusto ng bagong mananampalatayang ito na hanapin ang katotohanan, isasaalang-alang muna niya ang hitsura ng bagong mananampalataya, ang paraan ng pagsasalita nito, at kung gusto niya ito. Kung mahina ang kakayahan ng bagong mananampalataya, hindi niya gugustuhing magbahagi ng katotohanan; magbibigay lang siya ng ilang salitang pampalakas ng loob at iyon na iyon. Ano ang problema rito? (Iniisip niyang maraming taon na siyang naging mananampalataya at may kapital na siya, kaya ginagamit niya ang tagal niya sa pananampalataya para maghari-harian.) Ang kapital na ito ay isang pagpapamalas ng pagtataguyod sa katayuan niya. Dahil may kapital siya, pakiramdam niya ay may karapatan na siyang magsalita mula sa isang posisyon ng katayuan—isang katayuang siya lang ang nagkaloob, hindi ibinigay sa kanya ng iba. Ang ganoon bang mga tao na gumagawa at nagsasalita sa ganitong paraan ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Nagpapamalas ba kayo sa ganitong paraan? Sinasabi ninyo, “Sampung taon na akong sumasampalataya sa Diyos. Hindi ba’t insulto sa akin na itambal ako sa isang taong dalawang taon pa lang sumasampalataya? Ni ayaw ko ngang makipag-usap sa kanya. Kahit isang salita lang ay mapapagod na ako. Wala siyang anumang nauunawaan!” Nagmumula ito sa pangingibabaw ng isang mapagmataas na disposisyon. Kung ang puso mo ay hindi nagpapahalaga sa katayuan, hindi mo hinahanay ang mga tao ayon sa karanasan o tagal sa pananampalataya, at hindi mo iniisip na may kapital ka, tatratuhin mo ba nang ganito ang isang tao? Malinaw naman, dahil sa pagkakaroon ng tiwaling disposisyon sa loob mo, ang mga pagpapamalas ng paraan ng pagtrato mo sa mga tao ay hindi nagiging kapaki-pakinabang sa iba, na naglalantad sa tiwaling disposisyon mo, sa mga paghahangad mo, at sa kung ano ang mga nasa kaibuturan ng puso mo. May isa pang pagpapamalas ng pagkilos alang-alang sa katayuan. Halimbawa, may ilang tao na nagkaroon ng propesyonal na kaalaman o na mga eksperto sa isang partikular na larangan. Gayunpaman, kapag tinatalakay ang larangang ito, kung may ibang mauunang magsalita, naiinis sila at iniisip nila, “Paano kayo nakakapagsalita nang walang katwiran? Hindi ninyo makikita ang kadakilaan kahit na nasa harapan na ninyo ito!” Sinasabi nila, “Nag-major ako sa asignaturang ito sa unibersidad at itinuon ko ang lahat ng pananaliksik ko sa mga usaping ito. Nang makapagtapos ako, nagtrabaho ako sa larangang ito sa loob ng ilang taon. Tinalikuran ko ang propesyong ito sa loob ng mahigit sampung taon magmula nang sumampalataya ako sa Diyos, pero kaya kong alalahanin ang lahat ng tungkol dito nang walang kahirap-hirap. Ayaw ko itong pag-usapan, para kasing nagpapasikat ako.” Ano ang palagay ninyo sa mga salitang ito? Ang mga salitang ito ay mga salita ng mga iskolar na walang pananampalataya, at sinasabi ang mga ito batay sa mga satanikong pilosopiya, na nagdudulot sa kanilang magmukhang maraming alam at makuha ang pagsang-ayon ng lahat. Sinasabi nilang ayaw nilang magpasikat, pero iyon mismo ang ginagawa nila, sa isa nga lang mas mahusay na paraan. Binanggit nila ang kapital nila, gaya ng kung ilang taon nilang pinag-aralan ang propesyong ito at kung ano ang nakamit nila, ginagamit ang paraang ito para iparating ang mensahe na eksperto sila sa larangang iyon. Ang pagiging eksperto ba sa isang larangan ay nangangahulugang talagang nauunawaan mo ang larangang iyon? Ito ba ang paraang dapat mong gamitin kung isa kang eksperto na nagsasagawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang dapat mong gawin? (Hanapin ang katotohanan; magtalakay at maghanap kasama ang mga kapatid.) Sama-sama dapat maghanap ang lahat. Sabihin mo, “Kailangan kong maging matapat. Nagtrabaho ako sa propesyong ito sa loob ng ilang taon at may kaunti akong nalalaman dito, pero hindi ko alam ang mga prinsipyo sa kung paano ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang propesyong ito. Hindi ko alam kung kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos ang kaalamang mayroon ako—puwede natin itong sama-samang talakayin. Magtatalakay ako sa inyo ng kaunti tungkol sa mga pangunahing konsepto ng larangang ito.” Isa itong makatwirang paraan ng pagsasalita. Kahit na marami siyang alam sa propesyon, mapagpakumbaba siya at hindi mayabang. Hindi siya nagpapanggap; talagang gusto niyang magtrabaho nang mahusay, at ibahagi sa lahat ang natutunan at nalalaman niya, nang walang anumang itinatago. Ganap niya itong ginagawa alang-alang sa pagganap nang maayos sa kanyang tungkulin, anuman ang tingin o trato sa kanya ng iba. Ganap niyang ginagampanan ang tungkulin niya alang-alang sa pagbibigay-lugod sa Diyos, at alang-alang sa pagtatamo ng katotohanan at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Samakatuwid, sa bawat aspekto ng pagganap sa tungkulin niya, isinasaalang-alang niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at inaalala ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Anuman ang ginagawa niya, nakikipagbahaginan muna siya sa lahat, pagkatapos ay tinatalakay ito nang sama-sama para magkaroon ng kasunduan, hinahayaan ang mga kapatid na mag-ambag ng mga ideya at pagsisikap, nagkakaisang lahat sa pagtapos nang mabuti sa gawain. Ano ang palagay ninyo sa paraang ito? Tanging ang mga taong naghahangad sa katotohanan ang gagawa rito sa ganitong paraan. Kahit na pare-pareho silang sumasampalataya sa Diyos, magkaiba ang paraan ng pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan at ng mga taong hindi. Aling uri ng tao ang kasuklam-suklam? (Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kasuklam-suklam.) Hindi naman kailangang magpasikat kung may kaunti kang nalalaman tungkol sa kung anong propesyon, at hindi rin kailangang maliitin o pigilan ang iba kung may kaunti kang nalalaman tungkol sa propesyon. May ilang taong nagbubuhat ng sariling bangko kapag nagiging lider o manggagawa sila, kumikilos at nagsasalita sila nang may mapagpasikat na ugali, umaasta pa ngang opisyal. Mas kasuklam-suklam pa ang paraang ito ng paggawa sa mga bagay. Kahit na may kaunti kang katayuan, hindi mo ito kailangang ipangalandakan o maging hambog. Dapat kang kumilos nang responsable para pangunahan ang mga kapatid na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang responsabilidad mo at ang dapat mong isakatuparan. Higit pa rito, kung may pagkatao ka at matapat ka, dapat mong akuin ang responsabilidad kapag gumagawa ng mga bagay. Paano mo dapat akuin ang responsabilidad? Sa pamamagitan ng malinaw na pagbabahagi tungkol sa mga aspektong hindi nauunawaan ng mga tao, sa mga aspekto kung saan malaki ang tendensiya ng mga tao na magkamali o maligaw, at sa pagtutuwid sa anumang pagkakamali at paglihis na nagaganap, tinitiyak mo na kayang gawin ng lahat ang mga bagay gamit ang tamang paraan, para hindi na sila magkamali o mapigilan ng iba. Sa ganitong paraan, matutupad mo na ang responsabilidad mo. Ito ay pagiging responsable at tapat sa tungkulin mo. Sa sandaling maisakatuparan mo na ito, masasabi pa rin ba ng ibang tao na naghahangad ka ng katayuan? Hindi na nila ito masasabi. Tama na ang mga prinsipyong isinasagawa mo, pati na ang landas mo. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan; sa ganitong paraan dapat magsagawa ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang kabaligtaran ay walang iba kundi katakot-takot na kahiya-hiyang pag-uugali. Ang kagustuhang magpasikat at makakuha ng mataas na pagtingin, pero kagustuhan ding hindi ipaalam ang lahat at itago ang nalalaman niya, nangangamba na kung malalaman ng iba ang mga bagay na ito ay hindi na niya maitatanghal ang sarili niya o makukuha ang mataas na pagtingin ng iba—napakamapaghimagsik noon! Ipinagwawalang-bahala niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala pa nga siyang ginagawa at nanonood lang, tumatawa sa loob-loob niya, “Kung hindi ako magsasalita, tingnan natin kung may makapagpapaliwanag sa usaping ito nang malinaw! Kahit na magsalita ako, hindi ko sasabihin ang lahat. Kaunti lang ang ipapaalam ko ngayon, at kaunti bukas, at hindi ko pa rin sasabihin sa inyo ang totoo. Hahayaan ko kayong pag-isipan ito sa sarili ninyo. Hindi madaling makakuha ng impormasyon sa akin! Kung sasabihin ko sa inyo ang lahat ng nauunawaan ko, at ipapaunawa ko ito sa inyo, wala nang matitira sa akin, at magiging mas magaling na kayo kaysa sa akin. Ano na ang magiging tingin ninyo sa akin kapag nangyari iyon?” Anong uri ng nilalang ang mag-iisip nang ganito? Mapaminsala ang taong ito! Hindi siya mabuti. Isa ba siyang matapat na tao? (Hindi.) May nakagawa na ba nito sa inyo? (Nagawa ko na ito. Lalo na pagkatapos kong mapalaganap ang ebanghelyo sa loob ng mas mahabang panahon at makakuha ng mga resulta, pakiramdam ko ay may kaunti na akong halaga at kapital. Noong tinanong ng ibang tao kung may alam akong magagandang paraan o may magandang karanasan akong maibabahagi, tumanggi ako. Namuhay ako ayon sa mapaminsalang kasabihan ni Satanas, “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang guro.” Natakot akong mahigitan ako ng iba, at pagkatapos ay mawala ang katayuan ko.) Hindi madaling mapagtagumpayan ang takot na masapawan ka ng iba. Ang reputasyon at pansariling interes ay mga mithiing pinaglalaanan ng mga tao ng buong buhay nila para ipaglaban, pero dalawang bagay rin ito na nakakadurog ng puso—buhay mo ang magiging kapalit nito!

Iniisip ng ilang taong nakagawa na ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid na may naiambag na sila at may kaunti nang katayuan sa loob ng iglesia. Sa tuwing kaharap nila ang iba, binabanggit nila ang mabubuting bagay na ito na ginawa nila, para magkaroon ng talagang panibagong pananaw at pagkaunawa sa kanila ang lahat—pagkaunawa sa kapital at katayuan nila, at pagkaunawa sa reputasyon at puwang nila sa loob ng iglesia. Bakit nila ito ginagawa? (Para magpasikat at ipangalandakan ito.) At ano ang punto ng pangangalandakan dito? Para itaguyod ang sarili nila. At ano ang magagawa nila sa pamamagitan ng pagtataguyod sa sarili nila? (Ang hikayatin ang ibang tao na tingalain sila.) Ang hikayatin ang mga tao na tingalain sila, sabihan sila ng magagandang bagay, at igalang sila. Matapos makuha ang mga bagay na ito, ano ang nararamdaman nila sa loob nila? (Nasisiyahan sila rito.) Nasisiyahan sila sa mga pakinabang ng katayuan. Hinahangad din ba ninyo ang mga bagay na ito? Ano ang nagdudulot ng mga kaisipan, ideya, at paraan ng pag-iisip na ito na taglay ng mga tao? Ano ang sanhi ng mga ito? Ano ang pinagmumulan ng mga ito? Ang pinagmumulan ng mga ito ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang nagdudulot sa mga tao na magbunyag ng sarili nila sa ganitong paraan, at ang nagdudulot ng ganitong mga uri ng paghahangad. May ilang taong madalas nakakaramdam na nakatataas sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa anong mga paraan? Ano ang nagdudulot sa kanilang maramdaman na nakatataas sila sa mga paraang ito? Halimbawa, may ilang taong marunong magsalita ng wikang banyaga, at iniisip nilang ibig sabihin nito ay may kaloob na sila at bihasa, at na kung wala sila sa sambahayan ng Diyos, malamang na magiging mahirap na palawakin ang gawain nito. Ang resulta, gusto nilang tingalain sila ng mga tao saanman sila magpunta. Anong paraan ang ginagamit ng ganitong uri ng mga tao kapag may nakikilala silang iba? Sa puso nila, itinatakda nila ang lahat ng uri ng ranggo sa mga taong gumaganap ng iba’t ibang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ang mga lider ang nasa itaas, ang mga taong may mga espesyal na talento ang pumapangalawa, pagkatapos ay ang mga taong may mga karaniwang talento, at ang nasa dulo ay ang mga taong gumaganap sa lahat ng uri ng tungkuling pansuporta. May ilang taong itinuturing ang kakayahang gumanap ng mga importante at espesyal na tungkulin bilang kapital, at itinuturing itong pagkakaroon ng mga katotohanang realidad. Ano ang problema rito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Ang pagganap sa ilang espesyal na tungkulin ay nagdudulot sa kanilang maging mapagmataas at hambog, at hinahamak nila ang lahat ng tao. Kapag may nakikilala silang tao, ang unang bagay na palagi nilang ginagawa ay tanungin kung ano ang tungkuling ginagampanan nito. Kung karaniwang tungkulin ang ginagampanan ng taong ito, hinahamak nila ito, at iniisip na hindi karapat-dapat ang taong ito sa atensyon nila. Kapag gustong makipagbahaginan sa kanila ng taong ito, sinasabi lang nilang pumapayag sila, pero iniisip nila sa loob-loob nila, “Gusto mong makipagbahaginan sa akin? Pangkaraniwang tao ka lang. Tingnan mo nga ang tungkuling ginagampanan mo—paano ka naging karapat-dapat na makipag-usap sa akin?” Kung ang tungkuling ginagampanan ng taong ito ay mas mahalaga sa tungkulin nila, binobola at kinaiinggitan nila ito. Kapag nakakakita sila ng mga lider o manggagawa, sunud-sunuran sila at binobola nila ang mga ito. May prinsipyo ba sila sa paraan ng pakikitungo nila sa mga tao? (Wala. Pinakikitunguhan nila ang mga tao ayon sa tungkuling ginagampanan ng mga ito, at ayon sa iba’t ibang ranggong itinatakda nila.) Niraranggo nila ang mga tao ayon sa karanasan at tagal ng mga ito sa iglesia, at ayon sa mga talento at kaloob ng mga ito. Anong katunayan ang nabubunyag sa ganitong paraan ng pagraranggo nila sa mga tao? Ibinubunyag nito ang mga paghahangad ng isang tao, ang buhay pagpasok ng isang tao, ang kalikasang diwa ng isang tao, at ang kalidad ng pagkatao niya. Kapag nakakakita ng isang nakatataas na lider ang ilang tao, bahagya silang tumatango at yumuyukod, at magalang sila. Kapag nakakakita sila ng isang taong may mga kakayahan, pinagkalooban, bihasa sa pagsasalita, gumanap na ng mga importanteng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, o itinaas ng Itaas ang posisyon at importante ang tingin dito ng Itaas, napakagalang nilang magsalita. Kapag nakakakita sila ng isang taong mahina ang kakayahan o na gumaganap ng karaniwang tungkulin, hinahamak nila ito at itinuturing na para bang hindi nila ito nakikita—iba ang paraan ng pagtrato nila rito. Ano ang iniisip nila? “Mababa pa rin ang uri ng isang taong tulad mo kahit na sumasampalataya ka sa Diyos, pero gusto mo pa ring magsalita na para bang kapantay kita, at makipagbahaginan sa akin tungkol sa buhay pagpasok at sa pagiging matapat na tao. Hindi ka kwalipikadong gawin iyon!” Anong disposisyon ito? Pagmamataas, kalupitan, at kabuktutan. Marami bang ganitong uri ng tao sa iglesia? (Oo.) Ganitong uri ba kayo ng tao? (Oo.) Ang iba-ibang pagtrato sa mga tao batay sa kung sino sila—wala sa mga bagay na ito ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Ano ang hinahangad nila? (Hinahangad nila ang katayuan.) Maipapakita ng pag-uugali, mga paghahayag, at mga karaniwang pagpapamalas ng mga tao ang lahat ng kaisipan, pananaw, layunin, at paghahangad nila, pati na ang landas na tinatahak nila. Ang ibinubunyag mo, at ang lagi mong ipinamamalas, ay ang iyong hinahangad—nalalantad ang paghahangad mo. Kahit na ang ganitong uri ng mga tao ay may espirituwal na pang-unawa, kayang umunawa ng mga salita ng Diyos, makakita ng mga kaugnayan sa Kanyang mga salita, at maghambing ng Kanyang mga salita sa sarili nilang mga kalagayan, anuman ang mangyari ay hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila ito hinaharap gamit ang katotohanan ng mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo nila. Sa halip, hinaharap nila ito at kumikilos sila batay sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, layunin, hangarin, at pagnanais, pati na sa sarili nilang mga kagustuhan. Makakapasok ba ang ganitong mga tao sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Pinanghahawakan pa rin ng mga puso nila ang mga prinsipyo at paraan sa pagharap sa mundo ng mga taong hindi nananampalataya; niraranggo pa rin nila ang mga tao ayon sa karanasan at tagal ng mga ito sa pananampalataya, at nagtatakda sila ng lahat ng uri ng ranggo sa mga tao sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila ginagamit ang katotohanan para suriin ang mga tao, kundi sa halip ay sinusuri nila ang mga tao gamit ang mga pananaw at pamantayan ng mga taong hindi nananampalataya. Ito ba ang paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kahit na tila mga tao sila na nakauunawa sa katotohanan kapag nagsasalita at nangangaral sila, may nakikita bang kahit kaunting katotohanang realidad sa paraan ng pagganap nila sa mga tungkulin nila? (Wala.) Kung ganoon, mga tao ba ito na may buhay pagpasok? (Hindi.) Masyadong maraming tiwaling bagay sa loob nila, at masyado silang kinukulang sa pagtupad sa mga hinihingi para sa kaligtasan. Kung palagi nilang ituturing ang mga bagay na ito bilang kapital, gaano karami sa mga salita ng Diyos na nauunawaan nila ang kaya nilang isagawa? Talaga bang nilalaman ng puso nila ang katotohanan, o ang mga salita ng Diyos? Para sa kanila, ano ang timbang ng buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon nila? Ano ba talaga ang nag-ugat sa puso nila? Tiyak na pawang mga satanikong pilosopiya ito at mga bagay na minana sa tao, pati na mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kung masyadong malalim na mag-uugat ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao, labis silang mahihirapang tanggapin ang katotohanan. Lagi nilang isinasaalang-alang kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas, kung pinahahalagahan sila ng Itaas, kung nasa puso sila ng Diyos, at kung kilala sila ng Diyos. Sa ganitong paraan din nila tinitingnan ang ibang tao: Tinitingnan nila kung pinahahalagahan ang mga ito ng Itaas, at kung nalulugod ang Diyos sa mga ito—iba-iba ang pagtrato nila sa mga tao batay sa kung sino ang mga ito. Kapag palaging binibigyang-halaga ng puso nila ang mga bagay na ito, gaano kalaki ang magiging epekto ng katotohanan sa kanila? Ano ba talaga ang hinahangad ng mga taong palaging namumuhay sa mga kalagayang ito at namumuhay sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo? Makakapasok ba sila sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Kung gayon, alinsunod saan sila namumuhay? (Namumuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Namumuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, pero iniisip nilang sila ay may kaalaman, edukado at matalino, at lubos silang nasisiyahan sa loob nila. Ano ang tingin nila sa sambahayan ng Diyos? (Isang samahan.) Ang tingin nila rito ay isang samahan. Hindi pa nila natatalikuran ang pananaw na ito. Kaya, paano nila aayusin ang mga isyung ito? Hindi lang ito isang usapin ng pagbabasa ng mga tao ng mga salita ng Diyos at pagkilala nila sa mga katunayang isiniwalat ng Diyos. Dapat din nilang maranasan ang pagpupungos, ang mga pagsubok, at pagpipino. Kailangan din nilang malaman ang kalikasang diwa nila, makita nang malinaw ang diwa ng kapital, mga kaloob, kaalaman, at kwalipikasyon, mabitiwan ang mga bagay na ito, matanggap ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos, at mamuhay alinsunod sa katotohanan. Saka lang maaayos ang problema ng isang tiwaling kalikasan.

Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang madaling bagay. Dapat matutunan ng mga taong tingnan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Dati, maraming maling pananaw ang mga tao. Kung hindi nila hahanapin ang katotohanan, hindi nila mapagtatanto ang mga iyon, at kikilos pa rin sila gaya ng dati, iniisip na tama sila, at nagiging mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, kung saan kahit na pungusan mo sila, hindi pa rin nila aaminin ang pagkakamali nila. Napakahirap baguhin ng perspektiba sa pagtingin sa mga bagay ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Halimbawa, kapag nakita ng ilang tao na may isang tao sa iglesia na dating namumuno ng kompanya, nakakaramdam sila ng paggalang at paghanga sa mga puso nila. Kinaiinggitan, hinahangaan, tinitingala, at iginagalang pa nga nila ang mga ganitong tao. May katayuan ang taong ito sa puso nila. Ano ang dapat gawin sa sitwasyong ito? Dapat mong kilatisin ang taong ito at tratuhin siya alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at tingnan mo kung isa siyang taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad sa katotohanan, at kung isa siyang taong karapat-dapat igalang. Kung, pagkatapos siyang makasalamuha at makilatis, matutuklasan mong hindi siya ganitong uri ng tao, hindi mo na titingalain ang taong ito sa puso mo, at hindi na magiging mataas ang tingin mo sa kanya. Dapat mo siyang tratuhin at pakitunguhan sa isang karaniwang paraan. Ano ang ibig sabihin ng pagtrato sa kanya sa isang karaniwang paraan? Ang ibig sabihin nito ay magawa mo siyang tratuhin nang tama. Ang puso ng mga tao ay puno ng sarili nilang mga kagustuhan, kahilingan, at paghahangad, at nabubunyag ang mga prinsipyo nila sa maraming munting pag-uugali. Kung may isang taong iginagalang nila, kapag nagsasalita sila tungkol sa taong ito, nagiging masyadong maingat at magalang ang mga salita nila, at tinutukoy nila ito sa isang masyadong marespetong paraan. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na may katayuan ang taong ito sa puso nila, at tinitingala nila ang taong ito. Bukod pa rito, may iba pa silang sinasabi. Madalas nilang sabihin, “Dating opisyal ang taong ito. Kung pupunta siya sa sambahayan ng Diyos at ituturing siyang pangkaraniwang tao, hindi ito magiging angkop.” Sa utak nila, iniisip nilang hindi binibigyang-halaga ng sambahayan ng Diyos ang mga indibidwal na may talento. Nagawa ng ganoon kataas na tao na magpakumbaba at pumasok sa sambahayan ng Diyos, maging isang mananampalataya at gumampan ng tungkulin, pero walang sinumang tumingala sa kanya o nagtaas ng posisyon niya, at hindi nag-abala ang Itaas na ipakilala siya sa mga kapatid. Tinatanong mo sila kung kumusta ang mga tungkulin ng taong ito, at sinasabi nila, “Dating nagmamay-ari ng kompanya ang taong ito, at ilang libong tao ang nasa ilalim niya. Walang kahirap-hirap sa kanya ang paggawa ng kaunting gawaing ito. Walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang may mas mataas na kakayahan sa kanya. Isa siyang mataas na tao. Walang matataas na tao sa sambahayan ng Diyos.” Anong uri ng pananalita ito? Iniisip nilang may matataas na tao sa sekular na mundo, pero sa sambahayan ng Diyos ay wala. Taglay ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang katotohanan—taglay ba ng mga tao sa sekular na mundo ang katotohanan? Sinasabi mong may matataas na tao sa sekular na mundo, kaya bakit hindi ka sumampalataya sa matataas na tao? Bakit ka naparito para sumampalataya sa Diyos? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos, at dapat kang magmadali pabalik sa sekular na mundo. Hindi ba’t ang katunayan na nasasabi nila ang ganitong mga bagay ay nangangahulugang tinig ito ni Satanas? Tinig ito ni Satanas. Sumasampalataya sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos, pero dinadakila nila si Satanas. Halos sabihin na nila, “Kung sasampalataya sa Diyos ang isang partikular na kilalang tao, siya ang magiging may pinakamataas na kakayahan. Kung hindi siya magagawang perpekto, wala na tayong pag-asa lahat. Sa mga mata niya, wala tayong halaga.” Sa puso nila at mga mata, ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay hindi kasinghusay ng mga kilalang tao, negosyante, at opisyal sa sekular na mundo. Tanging ang mga taong iyon ang matataas na tao, at mga taong matitimbang. Kapag tinukoy mo ang ipinahihiwatig ng sinasabi nila, mga tao ba silang naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila, hindi nagbabago ang mga pananaw at kaisipan nila, ang mga opinyon nila sa mundo, at ang mga opinyon at pananaw nila sa mga kilala at mataas na tao. Natamo na ba nila ang katotohanan? May buhay pagpasok ba sila? (Hindi. Wala.) Ano ang taong ito? (Isang hindi mananampalataya.) Mga hindi sila mananampalataya. Hudas at traydor sila! Sa isip nila, hindi ang Diyos ang kataas-taasan at hindi ang katotohanan ang kataas-taasan. Sa halip, ang makamundong kapangyarihan, katanyagan, kasikatan, at pakinabang ang kataas-taasan. Ang taong ito ay isang traydor. Mga kaisipan at pananaw ito ni Hudas. Mga kaisipan at lohika ito ni Satanas. Kahit na kayang unawain ng mga taong ito ang katotohanan, hindi magbabago ang mga kaisipan at pananaw nila. Reputasyon, katayuan, at kapangyarihan ang hinahangad nila. Kapag may kasama kang ganitong tao, hindi tama ang ekspresyon niya kapag nakikipag-usap sa iyo, at may partikular kang nararamdaman dahil dito: na mahirap maging malapit sa taong ito, at hindi niya nakikita ang karaniwang tao. Iyon ang dahilan kung bakit may kakayahan siyang magkaroon ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang kayang ipahayag ng Diyos, palaging may hadlang sa pagitan ng puso niya at ng Diyos. Iniisip niyang pangkaraniwan ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi talaga ito dakila o makapangyarihan. Iyon ang dahilan kung bakit may kakayahan siyang magpahalaga sa kaalaman at mga kaloob, at idolohin ang mga dakilang tao. Kapag ang ganitong mga taong mapagmataas, labis na magpahalaga sa sarili, at palalo na puno ng satanikong disposisyon ang nakakita kay Cristo na may normal na pagkatao at puno ng katotohanan, paano sila makayuyukod at makasasamba sa Kanya? Sa loob-loob nila, iniisip nila, “Ikaw ang Diyos. Ang katotohanan lang ang taglay Mo. Wala Kang kaalaman. May mga kaloob ako; mas mataas ang kaalaman ko kaysa sa kaalaman Mo; mas mahusay ang mga talento ko kaysa sa mga talento Mo; mas mahusay ang kakayahan kong mangasiwa ng mga bagay kaysa sa kakayahan Mong mangasiwa ng mga bagay, at mas mahusay akong makipag-usap sa panlabas na mundo kaysa sa Iyo.” Kapag sila ay gumagawa ng kaunting gawain sa iglesia, may kaunting kapital, o nagbibigay ng kung anong kontribusyon, lalo pang bumababa ang tingin nila sa Diyos. Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nagpapakita ng katakot-takot na hindi magandang pag-uugali, at wala silang kahit katiting na katwiran. Kaya madalas na nasasangkot ang mga taong ito sa panlabas na penomena ng mga tao, pangyayari, at bagay—sa isang sandali ay iniisip nilang tama ang Diyos, sa susunod naman ay iniisip nilang mali Siya; sa isang sandali ay iniisip nilang may Diyos, sa susunod naman ay iniisip nilang walang Diyos; sa isang sandali ay iniisip nilang ang Diyos ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay, sa susunod naman ay nag-aalinlangan silang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay. Palaging nagtatalo at naglalaban ang puso nila. Kahit na ang pangalawang uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa at nakauunawa ng katotohanan sa pinakamababaw na kahulugan nito—na kahulugan lang ng mga salita at doktrina, na maituturing pa ring pagkakaroon ng kaunting kakayahang makaarok—kahit na nagagawa nilang umunawa ng ilang katotohanan, hindi nila kailanman isinasagawa ang mga iyon. Ano ang mga pagpapamalas nila? Ang paghahangad sa trabaho, ang paghahangad sa pagpapala, ang paghahangad sa pagtupad sa sarili nilang malabong pananampalataya at espirituwal na panustos, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan. Ito ang pangalawang uri ng tao.

Ang pangatlong uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at naghahangad sa katotohanan. Kayang unawain ng mga taong may espirituwal na pang-unawa ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, tinatanggap nila ang iba’t ibang kalagayang isinisiwalat sa mga salita ng Diyos at inihahambing ang mga ito sa sarili nila, at natutukoy nila kung ano ang problematiko sa kanilang kalagayan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na dahil kaya mong maghambing ay isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Kung, matapos ihambing ang sarili mo, nagsasagawa at pumapasok ka, saka ka lang nagiging isang taong naghahangad sa katotohanan. Kung kaya ng mga taong unawain ang mga salita ng Diyos, at gamitin ang mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos na nauunawaan nila bilang pundasyon para tunay na makapasok, paano nagpapamalas ang ganitong mga tao pagdating sa paghahangad sa katotohanan? Una, kaya nilang tanggapin ang atas ng Diyos, at gampanan nang maayos ang tungkulin nila. Pangalawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag hinaharap ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, at magkaroon ng pagpapasakop. Ang isa pang aspekto ay binibigyang-halaga nila ang pagsusuri sa bawat aspekto ng mga kalagayan nila at mga pagbubunyag sa pang-araw-araw nilang buhay, at pagkatapos ay nagagawa nilang ihambing ang sarili nila alinsunod sa mga salita ng Diyos, lumutas ng mga problema, at nagagawang umabot sa punto kung saan may prinsipyo na sila sa paraan ng pagharap nila sa bawat uri ng bagay, at may landas sila na isasagawa sa bawat uri ng bagay. Halimbawa, noong huli Kong ibinahagi at hinimay ang pitong pangunahing kasalanan ni Pablo, nagawa dapat ninyong ihambing ang sarili ninyo, tunay itong unawain, at isagawa at pasukan. Lubhang magkaugnay ang paghahambing at ang buhay pagpasok. Ang magawang maghambing sa sarili mo ay ang daan patungo sa buhay pagpasok. Ang paraan ng pagpasok mo pagkatapos dumaan sa tarangkahan ay nakasalalay sa kung nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Kapag may nauunawaan kang isang aspekto ng katotohanan, makakapasok ka sa isang aspekto ng realidad, at kapag may nauunawaan kang dalawang aspekto ng katotohanan, makakapasok ka sa dalawang aspekto ng realidad. Kung nauunawaan mo lang ang doktrina at wala ka ng mga prinsipyo ng pagpasok, hindi ka makakapasok sa realidad. Samakatuwid, napakahalaga na makaunawa ka muna ng maraming katotohanan. Paano mo mauunawaan ang mga iyon? Dapat ay magbasa ka ng marami sa mga salita ng Diyos, pag-isipan mo ang Kanyang mga salita, ihambing mo ang mga iyon sa tunay na buhay mo at sa mga tungkuling ginagampanan mo, maghanap ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa, at maghanap ka ng landas na isasagawa. Pagkatapos, magiging madali nang pumasok sa realidad. Kung may ilang tunay na problemang iiral, dapat mong ihambing ang mga iyon sa mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos, at lutasin ang mga iyon. Kung may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ka tungkol sa Diyos, lalo mo pang kinakailangang maghambing sa mga salita ng Diyos, magawang kilatisin kung sa anong paraan talagang mali ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ito, at kung anong kalikasan ng mga problema ang mga ito. Dapat ay magawa mong himayin ang mga problemang ito, pagkatapos ay hanapin mo ang mga kaukulang katotohanan para ayusin ang mga ito. Ito ang landas tungo sa buhay pagpasok. Napakaraming isinakatuparang gawain si Pablo, pero nagkaroon ba siya ng landas tungo sa buhay pagpasok? Hindi talaga. Ano ang una sa pitong pangunahing kasalanan ni Pablo? Itinuring niya ang paghahangad sa isang korona at ang paghahangad sa mga pagpapala bilang mga angkop na layunin. Sa anong paraan mali ang pagturing sa paghahangad ng mga pagpapala bilang layunin? Ganap itong sumasalungat sa katotohanan, at hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos na magligtas ng mga tao. Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao. Sabihin natin, halimbawa, na ang mapungusan ay nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, at hindi mo na magawang magpasakop. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Dahil pakiramdam mo ay nakuwestiyon ang iyong hantungan o ang iyong pangarap na mapagpala. Nagiging negatibo ka at sumasama ang loob mo, at sinisikap mong iwasang gawin ang iyong tungkulin. Ano ang dahilan nito? May problema sa iyong hangarin. Kaya paano ito dapat lutasin? Kinakailangan na agad mong talikuran ang mga maling ideyang ito, at na agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “Hindi ako dapat sumuko, dapat ko pa ring magawa nang mabuti ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, at isantabi ang aking pagnanasang mapagpala.” Kapag binitiwan mo ang pagnanasang mapagpala at tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mawawala ang bigat na pasan mo. At magagawa mo pa rin bang maging negatibo? Kahit na may mga pagkakataon pa rin na negatibo ka, hindi mo ito hinahayaang limitahan ka, at sa puso mo, patuloy kang nagdarasal at nakikibaka, binabago ang layunin ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na mapagpala at magkaroon ng hantungan, ay nagiging paghahangad sa katotohanan, at iniisip mo, “Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tungkulin ng isang nilikha. Para maunawaan ang ilang partikular na katotohanan ngayon—wala nang mas dakilang pag-aani, ito ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, at wala akong magandang hantungan, at mawasak ang aking mga pag-asa na mapagpala, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin nang maayos, obligado akong gawin iyon. Anuman ang dahilan, hindi nito maaapektuhan ang pagganap ko sa aking tungkulin, hindi nito maaapektuhan ang pagsasakatuparan ko sa atas ng Diyos; ito ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pagkilos.” At sa pamamagitan nito, hindi ba’t nadaig mo ang mga limitasyon ng laman? Maaaring sabihin ng ilan, “Paano kung negatibo pa rin ako?” Kung gayon ay hanapin ninyong muli ang katotohanan para lutasin ito. Ilang beses ka mang malugmok sa pagiging negatibo, kung patuloy mo lang hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, at patuloy na magpupunyagi para sa katotohanan, unti-unti kang makaaahon sa iyong pagiging negatibo. At balang araw, madarama mo na wala ka nang pagnanasang magtamo ng mga pagpapala at hindi ka na nalilimitahan ng hantungan at kahihinatnan mo, at na mas madali at mas malaya kang mabubuhay nang wala ang mga bagay na ito. Madarama mo na ang dati mong buhay, kung saan sa bawat araw ay nabubuhay ka para sa pagtatamo ng mga pagpapala at ng iyong hantungan, ay nakapapagod. Bawat araw, nagsasalita, gumagawa, at pinipiga ang utak alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala—at ano ang mapapala mo rito, sa huli? Ano ang halaga ng gayong buhay? Hindi mo hinangad ang katotohanan, kundi sinayang ang lahat ng pinakamabubuting araw mo sa mga bagay na walang kabuluhan. Sa huli, wala kang natamong anumang katotohanan, at hindi mo nagawang magpahayag ng anumang patotoong batay sa karanasan. Nagpakahangal ka, lubos na napahiya at nabigo. At ano ba talaga ang dahilan nito? Ang dahilan ay sa sobrang tindi ng layunin mong magtamo ng mga pagpapala, inokupa na ng iyong kahihinatnan at hantungan ang iyong puso at iginapos ka nang masyadong mahigpit. Subalit pagdating ng araw na makaahon ka mula sa pagkaalipin sa iyong mga inaasam-asam at tadhana, magagawa mong talikuran ang lahat at sundin ang Diyos. Kailan mo magagawang ganap na bitiwan ang mga bagay na iyon? Habang walang-humpay na lumalalim ang iyong pagpasok sa buhay, makakamtan mo ang isang pagbabago sa iyong disposisyon, at saka mo magagawang ganap na bitiwan ang mga iyon. Sinasabi ng ilan, “Kaya kong bitiwan ang mga bagay na iyon kung kailan ko gusto.” Naaayon ba ito sa batas ng kalikasan? (Hindi.) Sinasabi ng iba, “Nalutas ko ang lahat ng ito sa isang magdamag. Simpleng tao ako, hindi kumplikado o mahina na katulad ninyo. Masyadong mataas ang mga ambisyon at ninanais ninyo, na nagpapakitang mas malalim ang pagkatiwali ninyo kaysa sa akin.” Ganoon nga ba ang sitwasyon? Hindi. Ang buong sangkatauhan ay may pare-parehong tiwaling kalikasan, hindi nagkakaiba sa lalim. Ang tanging pagkakaiba nila ay sa kung may pagkatao sila o wala, at sa anong klase ng tao sila. Ang mga nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ay may kakayahang magkaroon ng medyo malalim, malinaw na kaalaman sa kanilang sariling tiwaling disposisyon, at maling iniisip ng iba na lubos na tiwali ang ganoong mga tao. Ang mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan ay laging nag-iisip na wala silang katiwalian, na sa ilan pang mabubuting asal, magiging banal silang mga tao. Ang pananaw na ito ay malinaw na hindi wasto—sa katunayan, hindi naman sa mababaw ang kanilang katiwalian, kundi hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang malinaw na kaalaman sa diwa at katotohanan ng kanilang katiwalian. Sa madaling sabi, para manalig sa Diyos, kailangang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, pumasok sa realidad, at magtamo ng mga pagbabago sa buhay disposisyon bago niya mabago ang maling direksyon at landas ng kanyang paghahangad, at bago niya tuluyang malutas ang problema ng paghahangad ng mga pagpapala at pagtahak sa landas ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, maaaring mailigtas at magawang perpekto ng Diyos ang isang tao. Lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para hatulan at dalisayin ang tao ay para sa layuning ito.

Ngayon, mayroon ba sa inyong gusto pa ring maging Diyos? (Wala.) Kaya ba hindi ninyo ito gusto ay dahil hindi kayo nangangahas, o dahil wala kayong pag-asa o angkop na pinanggalingan at kapaligiran? Mahirap masabi. Una, tiyak na walang sinumang may gusto na aktibong hangarin na maging Diyos. Gayunpaman, kung, sa mga espesyal na sitwasyon ay may mga taong gagalang sa iyo, dadakila sa iyo, madalas na pupuri at babati sa iyo, may katayuan ka sa puso nila, at hindi nila namamalayang itinaguyod ka nila bilang isang medyo perpekto at makapangyarihang imahe—kahit na hindi sila nagpatotoong Diyos ka, at alam nilang tao ka, iginalang ka pa rin nila, sinunod ka, at itinuring ka na para bang Diyos ka—ano ang mararamdaman mo? Hindi ba’t makakaramdam ka ng pambihirang kasiyahan at kaluguran? (Oo.) Sapat na ito para patunayang may ganito ka pa ring pagnanais. Ang lahat ng tao na may tiwaling disposisyon ay may pagnanais na maging Diyos. Kung wala lang sinumang tumuturing sa iyo na Diyos, kaya pakiramdam mo ay hindi ka kwalipikado. Kapag pakiramdam mong kwalipikado ka, tama ang kapaligiran, at sapat ang mga kondisyon, itataas mo ang sarili mo sa posisyong iyon. O kaya, hindi mo siguro itataas ang sarili mo, pero kapag buong puso kang itinataas ng ibang tao, magiging mapagpakumbaba ka pa rin ba? Tatanggapin mo ang pagtataas “nang walang pag-aalinlangan.” Ano ang nangyayari dito? Malalim na nag-ugat sa loob ng mga tao ang kalikasan ni Satanas, at hindi pa rin ito nalulutas—hindi kailanman ginusto ng mga taong maging mga tao, palagi nilang gustong maging Diyos. Puwede bang maging Diyos ang isang tao sa pamamagitan lang ng paghiling nito? Noon pa man ay gusto na ni Satanas na maging Diyos, at ano ang nangyari dito? Inihagis ito mula sa langit papunta sa lupa. Ganoon ang naging kapalaran ni Satanas dahil sa kagustuhang maging Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman Ko sa sarili Kong pagkakakilanlan, katayuan, at diwa? Talagang hindi ninyo alam. Wala Akong anumang nararamdaman; napakanormal ng lahat ng bagay. Masyadong praktikal at normal ang Diyos na nagkatawang-tao. Walang anumang mahimala tungkol sa Kanya, wala Siyang mga partikular na damdamin. Alam mo kung ano ang iniisip mo; alam mo kung ano ang gusto mo; alam mo kung sa aling pamilya ka ipinanganak, kung ilang taon ka na, at kung gaano kataas ang edukasyong natanggap mo; alam mo kung ano ang hitsura mo. Pero normal bang malaman kung ano ang panloob mong diwa, o normal bang hindi malaman? (Normal na hindi malaman.) Normal na hindi magkaroon ng anumang damdamin tungkol dito. Magiging mahimala ang pagkakaroon ng mga damdamin tungkol dito. Hindi ito magiging mula sa laman, at hindi ito magiging normal na pagkatao. Hindi normal ang pagiging mahimala. Ang mga taong palaging umaasal sa mga paraang hindi normal at may mga hindi normal na damdamin ay masasamang espiritu, hindi mga mortal na nilalang. May ilang taong nagtatanong sa Akin kung alam Ko kung sino Ako. Sabihin ninyo sa Akin, malalaman Ko ba? Dapat Ko bang malaman? Nasa Akin ang lohika, at ang mga paraan ng pag-iisip ng normal na pagkatao. May mga normal Akong kaisipan, at normal na kinagawiang buhay ng laman. Taglay Ko ang konsensiya, pagkamakatwiran, at paghatol ng normal na pagkatao, at taglay Ko ang mga prinsipyo ng sariling pag-asal, pangangasiwa sa mga bagay, at pakikisalamuha sa ibang taong may normal na pagkatao. Malinaw ang lahat ng bagay na ito. Kung tungkol sa kung paano gawin ang mga bagay, kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, kung paano tulungan ang mga tao, at kung aling mga tao ang tutulungan, taglay Ko ang lahat ng prinsipyong ito. Ang pamumuhay sa normal na pagkatao at paggawa ng mga bagay na dapat Kong gawin ay normal na pagkatao. Walang anumang mahimala tungkol dito. Hindi gumagawa ang Diyos ng mahimalang mga bagay. Normal lang na hindi Ko ito alam. Kung alam Ko ito, magdudulot ito ng problema. Bakit ito magdudulot ng problema? Kung alam Ko ito, magkakaroon Ako ng pasanin; masyadong maraming bagay na madadamay, at magiging magkakasalungat ang mga iyon. Ang bahaging nakaaalam nito ay hindi mula sa laman o sa materyal na mundo; ito ay mahimala, at salungat sa mga usapin ng mundong ito. Katulad na lang kung paanong may ilang taong nakakakita ng mga bagay na nangyayari sa espirituwal na mundo. Namumuhay sila sa laman at sa materyal na mundo, pero nakikita nila ang isang mundong hindi sa tao at hindi materyal. Dalawang mundo ang nakikita nila, at nakakapagsabi sila ng ilang kakatwang bagay. Hindi ito normal. Maiimpluwensiyahan nito ang mga kaisipan at gawain ng ibang tao. Maliban dito, para sa mga taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kinakailangan pa ring may malaman sila tungkol sa mga usapin ng espirituwal na mundo. Maraming bagay na imposibleng malaman ng mga tao, pero sa totoo, wala namang mawawala sa iyo kung hindi mo ito alam; ayos lang kung alam mo ito o hindi. Nilimitahan na ng Diyos ang saklaw ng mga bagay na maaaring maunawaan, malaman, at maramdaman ng mga mortal na nilalang. Hindi nagsasalita ang Diyos nang kulang ng isang pangungusap sa kung ano ang kailangan mong malaman—sinasabi Niya sa iyo ang lahat, at hindi Niya hinahayaang magkulang ang iyong kaalaman. Gayunpaman, lubusan Niyang isinasara ang hindi mo kailangang malaman. Hindi Niya ito sasabihin sa iyo, at hindi Niya guguluhin ang mga iniisip at ang utak mo. Ang isa pang aspekto ay na, sa mga mortal na nilalang, ang mga usapin ng espirituwal na mundo ay isang uri ng misteryo, kakatwang penomena, o mga usapin ng ibang mundo. Sa mga puso nila, gusto ng mga taong magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa kanila, pero ano ang magagawa mo sa ganoong kaalaman? Makukumpirma mo ba ito? Puwede ka bang makibahagi rito? Maraming usapin sa espirituwal na mundo ang lihim at hindi puwedeng ibunyag bago ang panahon ng mga ito. Isa itong bagay na walang sinuman ang puwedeng makibahagi—sapat na ang pagkakaroon ng limitadong kaalaman dito. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mundong ito at sa sangkatauhang ito, at masyadong maraming misteryo. Ang dapat nating maunawaan ay ang mga salita at katotohanan ng Diyos, at ang Kanyang mga layunin; dapat tayong pumasok sa mga katotohanang realidad, magkaroon ng pagpapasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos na maaaring malaman, maunawaan at matukoy ng mga tao, at pagkatapos ay magawa nating matakot sa Diyos, kilalanin ang Diyos bilang ang Lumikha sa iyo, kilalanin ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, sa wakas ay nagagawang bigkasin ang mga salitang sinabi ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ano ang dapat na maranasan ng mga tao para makamit ang resultang ito? Dapat nilang maranasan ang paghatol at pagkastigo, ang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino, at maranasan ang bawat uri ng sitwasyong isinasaayos ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga ito, malaman ang mga gawa ng Diyos, malaman ang disposisyon Niya, maunawaan ang diwa ng Lumikha, at magawang ihambing ang sarili nila sa mga nabasa nilang salita ng Diyos o sa mga napakinggan nilang sermon. Sa huli, kahit paano pa sila tratuhin ng Diyos, nag-aalis o nagbibigay man Siya, nagtatamo sila ng patas at tumpak na pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos, at nagpapasakop sila at tinatanggap nila ang mga ito sa paraang angkop sa pagkamakatwiran ng mga nilikha. Ito ang nilalayong isakatuparan ng Diyos.

Balikan natin ang paksa ng pagbabahaginan natin sa araw na ito. Ang mga pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang mga pagpapamalas ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay pangunahing ang tatlong uri na ito. Detalyado Kong tinukoy ang pagkakaiba-iba ng tatlong uri ng mga taong ito: Ang unang uri ay ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa; ang pangalawang uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa pero hindi naghahangad sa katotohanan; at ang pangatlong uri ay ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at naghahangad sa katotohanan. Sa tatlong uri ng mga taong ito, alin ang may pag-asang makapasok sa mga katotohanang realidad at makapagtamo ng kaligtasan? (Ang pangatlong uri.) Aling uri ng tao ang may pag-asang makapasok sa mga katotohanang realidad, ibig sabihin ay puwede silang bumuti at magbago na maging sa isang taong may mga katotohanang realidad? (Ang pangalawang uri.) Kung ganoon, epektibo na bang nahatulan ng kamatayan ang unang uri ng tao? Puwede bang maging mga taong may espirituwal na pang-unawa ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa o na may bahagyang pang-unawa? Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay may kaunting pag-asang maging mga taong may bahagyang pang-unawa; medyo mas mabuti na ito kaysa sa hindi talaga pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa. Sa tatlong uri ng mga taong ito, alin ang may mas malaking pag-asang maligtas? (Ang pangatlong uri.) Paano naman ang pangalawang uri ng tao? (Depende ito sa pansarili nilang paghahangad. Kung magagawa nilang tunay na baguhin ang mga bagay, magsisi, at hangarin ang katotohanan, puwede silang magkaroon ng pag-asang maligtas.) Tatapatin Ko kayo. Hindi pa rin ganap na malinaw sa inyo ang tungkol sa pangalawang uri ng tao. Kahit na ang pangalawang uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa, silang lahat ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, at kritikal ito. May espirituwal na pang-unawa man sila o wala, basta’t hindi nila hinahangad ang katotohanan, talagang hindi sila makakapagtamo ng kaligtasan. Ang gusto Kong bigyang-diin dito ay ang unang uri ng mga tao, ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Sabihin nating wala silang espirituwal na pang-unawa pero may mabuti silang pagkatao, at bukal sa loob nilang iniaalay ang sarili nila para sa Diyos, sinusunod nila ang anumang sinasabi ng Diyos, at may mapagpasakop na puso—iyon nga lang ay wala silang kakayahang makaarok pagdating sa katotohanan—pero kaya nilang unawain ang ilan sa mga salita ng Diyos at ihambing ang sarili nila sa mga iyon, at pagkatapos ay isagawa at pasukan ang mga iyon. May pag-asang maligtas ang ganoong mga tao. Puwede silang unti-unting magkaroon ng espirituwal na pang-unawa sa pamamagitan ng pagdanas sa ganoong karanasan sa loob ng ilang panahon. Habang mas masinsinan nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, lalo silang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu; nagagawa nilang ihambing sa sarili nilang mga kalagayan ang anumang nauunawaan nila sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang pagpupungos, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, ibigay ang hinihinging kapalit nito, at sa huli, magkaroon ng ilang kaukulang pagbabago sa disposisyon nila. Maituturing din ang ganoong mga tao na mga taong naghahangad sa katotohanan. Dahil itinuturing silang mga taong naghahangad sa katotohanan, kung ganoon ba ay may pag-asa na silang maligtas? (Oo.) May pag-asa silang maligtas—kaya, ang ganoong mga tao ay hindi puwedeng matalaga sa kamatayan. Sa kabaligtaran, mahirap masabi kung ano ang kalalabasan para sa uri ng mga taong kayang umunawa ng katotohanan at maghambing ng sarili nila rito, pero hindi kailanman pumapasok dito. Ano ang ugat ng problemang ito? (Ang saloobin nila sa katotohanan.) Ito ay ang saloobin nila sa katotohanan, na isang saloobin ng kawalan ng galang at pangungutya. Ano ang ibig sabihin ng “pangungutya”? Ibig sabihin nito ay hindi pagtanggap sa katotohanan; ibig sabihin nito ay panghahamak sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay hindi pagkilala sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at hindi pagseryoso sa mga ito. Kahit gaano pa karami ang nauunawaan nila sa mga naririnig nila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan; at, kahit hanggang saan pa nila inihahambing dito ang sarili nila, kahit na alam nila kung anong uri sila ng tao, hindi pa rin sila nagsisisi. Kahit na alam nila na ang pinakamahalagang aspekto ng pananampalataya sa Diyos ay ang pagsasagawa sa katotohanan, ang salitang “pagsasagawa” ay hindi mahalaga sa ganoong mga tao. Hindi madaling maligtas ang ganoong mga tao.

Ngayon, paano natin dapat bigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang paghahangad sa katotohanan? Sino ang makapagsasabi sa Akin? (Ang magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos, gamitin ang mga salita ng Diyos para magnilay at maghambing sa sarili, at ang pagkakaroon din ng buhay pagpasok. Tanging ito ang maituturing na paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan nagiging isang taong naghahangad sa katotohanan ang isang tao. Kung hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi nila kayang pagnilayan ang sarili nila, hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok, at hindi sila taong naghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, may direktang kaugnayan ang paghahangad sa katotohanan at ang buhay pagpasok. Kung nagagawa ng isang taong magtalakay ng maraming salita at doktrina, pero hindi niya kailanman isinagawa ang katotohanan, wala siyang tunay na pananampalataya sa Diyos, at kahit na malinaw niyang nalalaman na ang isang bagay ay ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at nagmumula sa Diyos, hindi siya nagpapasakop, at lumalaban siya, nanghuhusga, at patuloy na naghihimagsik, at namumuhay pa rin siya alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, at ginagawa niya ang mga bagay ayon sa sarili niyang mga kagustuhan, kung ganoon ay hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong may espirituwal na pang-unawa at nakakaunawa ng mga salita ng Diyos, pero hindi nagmamahal sa katotohanan, kaya hindi nila isinasagawa ang katotohanan—ang ganoong mga tao ay hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong handang maghangad sa katotohanan, pero masyadong mababa ang kakayahan nila, at hindi nila maabot ang katotohanan. Ang resulta, sumasampalataya sila sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi nila naiintindihan ang katotohanan. Ang ganito bang mga tao ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Hindi. Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan? Ang mga pangunahing pagpapamalas ay hindi sila nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi sila handang magdasal sa Diyos, lalong hindi na magbahaginan tungkol sa katotohanan, at ayaw pa nga nilang dumalo sa mga pagtitipon o makinig sa mga sermon. Kapag nakikinig sila sa mga sermon, pakiramdam nila, ang bawat salita ay patungkol sa kanila, at inilalantad sila, na nagdudulot sa kanilang masakal at mailang. Kaya, sa tuwing oras na para makinig ng sermon, gusto na lang nilang matulog o makibahagi sa walang katuturang pag-uusap. Maraming ganitong tao. Sumasampalataya lang sila sa Diyos para pagpalain, hindi para tanggapin ang katotohanan, matamo ang katotohanan, alisin ang katiwalian nila, magsabuhay ng wangis ng tao, o magtamo ng kaligtasan mula sa Diyos. Ang ugat ng problema ay pangunahin na hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi sila interesado sa katotohanan. Sumasampalataya lang sila sa Diyos para magtamo ng mga pagpapala. Ito ang tanging pinagtutuunan ng pananabik nila. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala, kaya nilang magtrabaho at magsuko ng mga bagay, pero, hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at hindi sila interesado sa katotohanan. Iniisip nilang sapat nang makaunawa ng mga doktrina, na ang paggawa ng mas kaunting masamang bagay ay nangangahulugang nagbago na sila, at na ang pagseserbisyo, pagsuko sa mga bagay, at pagdurusa bukod pa sa mga naunang nabanggit ay nagdudulot sa kanilang maging kwalipikado na pagpalain. Ito ang pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos. Samakatuwid, kahit gaano karaming taon na silang sumasampalataya, kahit gaano karaming doktrina na ang nauunawaan nila at kayang ipangaral, at kahit gaano na karaming salitang naaayon sa katotohanan ang lumalabas sa mga bibig nila, hindi nila kailanman naisasagawa ang katotohanan, nananatiling matigas, mapagpalayaw, at walang pagpipigil ang mga disposisyong ipinakikita nila, pinoprotektahan nila ang sarili nilang pride at mga interes sa bawat pagkakataon, napakamakasarili at napakababa nila, at kahit kapag pinagsasabihan o pinupungusan sila, hindi nila ito matanggap, at wala silang kahit kaunting pagpapasakop. Ginagawa ng ganoong mga tao kung ano ang gusto nila; hindi sila kumokonsulta sa iba bago kumilos, at kahit na kumonsulta nga sila sa iba, ginagawa lang nila ito kapag wala na silang ibang magagawa at alang-alang lang sa pormalidad—hindi sila tuwiran magsalita, paligoy-ligoy sila, at sa huli, hinihikayat pa rin nila ang iba na gawin ang sinasabi nila. Anong disposisyon ang nabubunyag sa ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay? (Panlilinlang.) Hindi lang ito panlilinlang; may mas malubha pa tungkol dito. Kahit gaano pa kasarap pakinggan ng mga salita nila kapag pinapayuhan nila ang iba, ipinapaliwanag na mga pagsasaayos ito ng sambahayan ng Diyos at hinihikayat ang ibang taong magpasakop, pagdating sa sarili nila, hindi sila ganito gumanap. Sa halip, mapagmatigas at mapaghimagsik sila, hindi sila nagpapasakop, at wala silang kakayahang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Maliban dito, paano sila nagpapamalas kapag nakikisalamuha sa iba? Kumikilos sila alinsunod sa mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo, naghahanap sila ng pakinabang sa bawat pagkakataon at pinoprotektahan nila ang mga personal nilang ugnayan. Ang ganitong uri ng mga tao ay may masyadong mapanira at tusong disposisyon. Ano ba ang pinakaugat ng pagiging mapanira at tusong ito? Ang pinakaugat nito ay kabuktutan. Madalas na hindi madali para sa mga taong makatukoy ng mga buktot na disposisyon. Kapag nakikipag-usap sa iba ang mga taong may mga buktot na disposisyon, palaging may elemento ng tukso at pang-uusisa para makakuha ng impormasyon. Hindi sila nagsasalita nang tuwiran, at kahit na magtapat sila, ang layunin lang nila ay hikayatin kang sabihin ang laman ng puso mo—wala sila kailanmang sinasabing totoo tungkol sa sarili nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano Mo nasasabing wala sila kailanmang sinasabing totoo tungkol sa sarili nila? Palagi silang nakikipagbahaginan sa mga tao tungkol sa tiwaling disposisyong ipinapakita nila.” Ano ba ang halaga ng kaunting pakikipagbahaginang iyon? Hindi nila sinasabi kaninuman kung ano ang tunay nilang iniisip. Isa pa, ginagamit nila ang lahat ng uri ng taktika at paraan, o ang lahat ng uri ng pananalita para puspusang pagtakpan at itago kung sino sila, nagpapakita ng isang huwad na imahe sa mga tao. Kung malalaman ng ilang tao ang tunay nilang ugali, at malalaman ang masasamang bagay na nagawa nila, magkukunwari lang sila at magsasabi ng ilang salita ng pagsisisi, gagamit sila ng mga nakaliligaw na paraan para paniwalain ang mga taong nagsisi at nagbago na sila. Kung gagawa ulit sila ng masama at malalantad ang masasama nilang gawa, maipapakita sa mga tao na masamang tao talaga sila, iisipin nila nang husto ang bawat paraan para pagtakpan ang katunayang ito at hikayatin ang mga taong ituring pa rin silang kapatid. Anong disposisyon ito? Isa itong buktot na disposisyon. Bukod sa hindi talaga tinatanggap ng mga taong may ganitong uri ng buktot na disposisyon ang katotohanan, bihasa pa sila sa pagkukunwari, at palagi silang nakakaisip ng mautak na pangdepensa o pangangatwiran para sa sarili nila. Mga mapagpaimbabaw na Pariseo sila. Ang pinakakinatatakutan ng ganitong uri ng tao ay ang pagbabahagi ng mga tao tungkol sa katotohanan, ang pagtatapat ng mga tao sa nilalaman ng puso nila para kilalanin at himayin ang sarili nila, o ang mga taong nagsisiwalat ng mga katunayan tungkol sa isang bagay at sa gayon ay nalalantad ito. Sa tuwing may nagbabahagi tungkol sa katotohanan, labis siyang nayayamot at ayaw niyang makinig; nilalabanan ito ng puso niya at naiinis siya rito. Ganap nitong inilalantad ang hindi magandang aspekto ng pagiging tutol niya sa katotohanan. Bukod sa pagkaunawa sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, may isa pang problema ang ganitong uri ng tao, ito ay na may saloobin siya ng paglaban at panghahamak sa mga positibong bagay at mga tamang pananaw, lalo na sa mga salitang naaayon sa katotohanan. Pagdating sa anumang positibong bagay o anumang salitang naaayon sa katotohanan, basta’t hindi ito ang itinuturing niyang mabuti o hindi siya ang bumigkas nito kundi ibang tao, hindi niya ito tatanggapin. Anong disposisyon ito? Kamangmangan, pagiging mapagmatigas, at kahangalan. Paano mo dapat suriin kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan? Ang pangunahing bagay na dapat tingnan ay kung ano ang ibinubunyag at ipinamamalas niya sa ordinaryo niyang pagganap ng mga tungkulin niya at sa mga kilos niya. Mula rito, makikita mo ang disposisyon ng isang tao. Mula sa kanyang disposisyon, makikita mo kung may natamo ba siyang anumang pagbabago o may nakamit na anumang buhay pagpasok. Kung walang ibang ibinubunyag ang isang tao kundi mga tiwaling disposisyon kapag kumikilos siya at wala man lang kahit anong katotohanang realidad, tiyak na hindi siya isang taong naghahangad ng katotohanan. May buhay pagpasok ba ang mga hindi naghahangad ng katotohanan? Wala, siguradong wala. Ang mga bagay na ginagawa nila araw-araw, ang pagpaparoo’t parito nila, paggugol, pagdurusa, ang halagang binabayaran nila—kahit ano pa ang ginagawa nila, pagtatrabaho lang ang lahat ng ito, at sila ay mga trabahador. Kahit ilang taon pang naniniwala sa Diyos ang isang tao, ang pinakamahalaga ay kung mahal ba niya ang katotohanan. Makikita kung ano ang minamahal at hinahangad ng isang tao mula sa kung ano ang pinakagusto niyang gawin. Kung karamihan sa mga bagay na ginagawa ng isang tao ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos, isa siyang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung naisasagawa niya ang katotohanan, at ang mga bagay na ginagawa niya sa araw-araw ay para magampanan ang kanyang tungkulin, may buhay pagpasok siya, at nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Maaaring hindi angkop ang kanyang mga kilos sa ilang partikular na bagay, o maaaring hindi niya tumpak na naiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo o maaaring may mapagmatigas siyang mga kinikilingan kaugnay nito, o kung minsan ay maaaring mayabang siya at inaakalang mas matuwid siya kaysa sa iba, ipinagpipilitan ang sarili niyang mga paraan, at bigong tanggapin ang katotohanan, pero kung pagkatapos nito ay magagawa niyang magsisi at isagawa ang katotohanan, walang pagdududang pinatutunayan nito na may buhay pagpasok siya at hinahangad niya ang katotohanan. Kung ang ibinubunyag ng isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin ay pawang mga tiwaling disposisyon, isang bibig na puno ng kasinungalingan, pagiging mapagmalaki, malayaw, nag-uumapaw na kabulastugan, na siya ang nasusunod sa kanyang sarili, at ginagawa niya kung ano ang maibigan niya, at iba pa, at kung, kahit gaano man karaming taon siyang naniniwala sa Diyos o gaano man karaming sermon ang narinig niya, walang kahit bahagya mang pagbabago sa mga tiwaling disposisyong ito sa huli, tiyak na hindi ito isang taong naghahangad ng katotohanan. Maraming tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, na sa panlabas ay hindi masasamang tao, at may ilan pa ngang mabubuting pag-uugali. Sadyang marubdob silang naniniwala sa Diyos, pero hindi man lang nagbabago ang kanilang mga disposisyon sa buhay, at wala sila ni kaunting maibabahaging patotoong batay sa karanasan. Hindi ba kaawa-awa ang gayong mga tao? Matapos ang napakaraming taon ng paniniwala sa Diyos, hindi man lang sila makapagbigay ng kahit bahagyang patotoong batay sa karanasan. Ito ay trabahador lang talaga. Tunay ngang kaawa-awa sila! Sa madaling salita, para masuri kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at may buhay pagpasok, dapat mong tingnan ang disposisyon at diwa niya sa paraang ipinapakita at ipinapahayag niya, at tingnan mo kung may anumang pagbabago sa disposisyon niya. Ang palaging pagbigkas ng mga salita at doktrina, at pagpapanggap at panlilinlang, ay hindi maipagpapatuloy nang matagal. Sarili lang nila ang sinisira nila, hindi naman nila nalilinlang ang iba. Hindi magtatagal, ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahangad sa katotohanan ay mabubunyag at matitiwalag. Tanging ang mga taong tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan ang makakapagtamo ng buhay pagpasok at magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon.

Natapos Ko na ang pagbabahagi tungkol sa kung ano ang buhay pagpasok, kung ano ang paghahangad sa katotohanan, at lahat ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Dapat na ihambing ng mga tao ang mga bagay na ito sa sarili nila, at kapag naunawaan na nila ang katotohanan, kailangan nila itong isagawa. Ano ang pinakamalaking problema para sa karamihan ng mga taong sumasampalataya sa Diyos? Ito ay na nauunawaan nila ang katotohanan, pero hindi nila ito isinasagawa. Kahit na kaya nilang ihambing ang sarili nila sa mga salita ng Diyos matapos basahin ang mga ito, at nakapagtatamo sila ng kaunting pagkakilala sa sarili nila, bakit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Hindi mahanap ng karamihan sa mga tao ang dahilan. Halimbawa, ang lahat ng tao ay may mga mapagmataas na disposisyon—masyado silang mapagmataas lahat at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Karamihan sa mga tao ay may kakayahang matukoy ito, pero kaya ba nilang iwasang ipakita ang pagmamataas nila? Hindi ito madaling gawin. Kahit na naihahambing nila ang sarili nila sa mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga ito, kinikilala nilang may mapagmataas silang disposisyon, at may landas silang isasagawa, ang mahirap dito ay na sa tuwing may ginagawa sila, madalas silang may sariling mga kagustuhan, layunin, at mithiin, at hindi nila nakikitang nauugnay ang lahat ng ito sa tiwaling disposisyon nila. Kailangan nilang matutunang maging mapagkilatis sa mga bagay na ito, at dapat nilang maunawaan ang katotohanan, ayusin ang dapat ayusin, at bitiwan ang dapat bitiwan. Ibig sabihin, hindi na dapat nila gawin ang mga bagay alang-alang sa mga layunin, pagnanais, pride, katayuan, at interes nila. Dapat nilang itigil ang paggawa nila ng masama, at iwasan ang pagsasabi ng isa pang pangungusap o paggawa ng isa pang bagay para sa sarili nilang mga interes. Kung gagawin mo ito, nakapagtamo ka na ng pusong nagsisisi, at nasimulan mo nang baguhin ang negatibong aspekto mo. Kung lalo ka pang magkukusa, at maliban sa hindi pagsasalita para sa sarili mong kapakanan ay magagawa mo ring himayin ang sarili mo, hahayaan ang mga kapatid na makita ang pagpapamalas ng mapagmataas mong disposisyon para matuto sila rito, makapulot ng ilang aral, makinabang dito, at makahanap ng landas ng pagsasagawa, magiging mas higit na mabuti iyon. Ano naman ang mahirap gawin? Ang mahirap gawin ay ang bitiwan ang lahat ng hangarin, layunin, ambisyon, kagustuhan, at interes mo, ang hindi gawin ang mga bagay para sa sarili mong kapakanan, at ang hindi magpakaabala o magmadali para sa sarili mong kapakanan. Sinabi ni Pablo na natapos na niya ang takbo niya. Para kanino ba siya tumatakbo? (Tinakbo niya ito para mapagpala siya at magkaroon ng korona.) Pero wala si Pablo ng pang-unawang ito. Malamang ay iniisip pa rin niyang tumatakbo siya para sa Diyos at para tapusin ang atas ng Diyos, siguradong hindi para sa sarili niyang kapakanan. Iyon ang dahilan kung bakit nangahas siyang magpasikat at magpatotoo tungkol sa sarili niya sa ganoon kayabang at kawalang-kahihiyang paraan. Malinaw na ipinagtatanggol at ipinapaliwanag niya ang sarili niya. Kasabay nito, ito rin ang pinakamatibay na patunay na pinapatotohanan niyang para sa kanya, ang mabuhay ay si Cristo. Lantaran siyang nagpapatotoo tungkol sa sarili niya at nilalabanan niya ang katotohanan; nilalapastangan niya ang katotohanan. Maraming tao na ngayong gumagalang kay Pablo, na ang mga puso ay puno ng mga ambisyon at pagnanais, na gustong lahat na magpatotoo tungkol sa sarili nila: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Sa paggawa nito, hindi ba’t binibigyang-laya nila ang mga pagnanais at ambisyon nila, hinahayaang patuloy na lumaki ang mga iyon, ibinubunyag ang mga iyon sa bawat sitwasyon para matupad ang mga iyon? Kung hindi mo kayang pagtagumpayan ang mga pagnanais mo, talagang tapos ka na; hindi ka makakapasok sa mga katotohanang realidad. Ano ang pinakapunto ng usaping ito? (Dapat tayong maghimagsik laban sa mga hangarin natin.) Ang paghihimagsik laban sa mga hangarin mo ay isang negatibong paraan ng pagsasagawa. Dapat ay magawa mo ring aktibong ilantad ang mga iyon, katulad na lang ng paglalantad sa ibang tao. Kung may sinabi kang gaya ng, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo tungkol sa akin: Labis-labis ang mga ambisyon ko, at gusto kong makuha ang loob ninyo. Nagtatapat na ako ngayon sa inyong lahat. Handa akong maghimagsik laban sa laman; hindi ako magiging kasabwat ni Satanas. Ang layunin ko sa paglalantad sa sarili ko sa ganitong paraan ay para malinaw na maipakita sa inyo ang tunay kong mukha, para hindi ninyo ako igalang”—ano ang magiging epekto ng ganitong paraan ng pagsasagawa? Paniguradong hahangaan ka ng lahat. Hindi ba’t magiging mas mabuti ito kaysa sa paggalang at mataas na pagtingin na makukuha mo kapalit ng paggamit ng lahat ng uri ng napakababang taktika? (Oo.) Kahit papaano ay positibo ito. Kahit na medyo hahangaan ka ng lahat, titingalain ka ba nila? Posibleng tingalain ka siguro ng iba, pero dapat kang humanap ng mga paraan para hikayatin silang talikuran ang pag-uugaling ito. Palagi mong ilantad ang sarili mo, sabihin mo, “Mapaghimagsik din ako, at mas malala ang paghihimagsik ko kaysa sa inyo. Mapanlinlang at buktot din ako. Noong nagsalita ako noong panahong iyon, may layunin akong iniisip, iyon ay ang hikayatin kayong tingalain ako at huwag akong hamakin.” Kapag narinig na ito ng lahat, bukod sa hindi ka na nila hahamakin sa mga puso nila, lalo ka pa nilang irerespeto. Isa itong deretsahang paraan ng pagsasagawa. Tanging ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ang gagawa nito; hindi ito kayang gawin ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan anuman ang mangyari. Kung, sa puso mo, iniisip mo na talagang mabuti at isang malaking karangalan ang gawin ito, na kalugod-lugod ito sa Diyos, at hinahangad mong kumilos sa ganitong paraan; kung matindi ang kagustuhan mo sa iyong puso, naniniwalang dapat mo itong gawin at na ganitong klase ng tao ang dapat mong tularan—isang taong malinis, matapat, at walang bahid ng kasinungalingan sa pananalita, isang taong lubusang naghihimagsik laban sa tiwali niyang disposisyon at kay Satanas—saka ka lang magiging klase ng taong tunay na namumuhay sa liwanag. At kung naaakit at nasisiyahan kang maging ganitong klase ng tao, magagawa mong mahalin ang katotohanan, pasukan ang katotohanan, at bitiwan ang mga bagay na pagmamay-ari ni Satanas. Pero kung interesado ka pa rin sa mga hangarin, layunin, ambisyon, kagustuhan, at interes mo, at may natitira ka pa ring pagmamahal sa paghahangad sa kaalaman, kasikatan, pakinabang, at katayuan, may puwang pa rin sa puso mo ang mga bagay na ito. Sinasabi mo, “Maghihinay-hinay muna ako hanggang sa magkaroon na ako ng angkop na tayog, pagkatapos ay makikita natin.” Ang tawag dito ay pagpapalayaw sa iyong sarili, at kawalan ng kakayahang ganap na maghimagsik laban sa sarili. Sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa sarili mo nang ganito, bumabagal ang buhay pagpasok mo, at bukod sa hindi na nalutas ang mga suliranin mo ng paghahangad sa mga kasiyahan ng laman at paghahangad sa mga pakinabang ng katayuan, lalo pang naging mahirap alisin ang mga iyon. Kaya, lubusan bang maaalis ang mga bagay na pagmamay-ari ni Satanas sa puso mo? Puwede pa rin bang lumalim ang karanasan mo sa buhay, at patuloy na umunlad ang buhay mo? Makakamit mo pa rin ba na magawang perpekto ng Diyos? Nahulog ka na sa mga kasiyahan ng laman, at mahigpit ka nang naigapos ng mga pakinabang ng katayuan—makakawala ka pa rin ba sa mga iyon? Ayaw mong kumawala; unti-unti, nagiging isa kang taong nanlilihis ng mga tao. Magiging mahirap iyon, at magiging malubha ang kasalanan mo. Bakit sa ganoong paraan nagwakas ang mga bagay-bagay para kay Pablo? Ito ay dahil hindi niya talaga hinangad ang katotohanan. Noon pa man ay hinangad na niya ang mga minimithi at pinananabikan niya, at ginusto niyang kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos para sundin siya ng lahat ng ito, at gawin ng mga ito ang ginagawa niya. Ginusto rin niyang gamitin ang puspusang pagtatrabaho at pagbibigay ng hinihinging kapalit bilang bagay na mapanghahawakan para makipagtawaran sa Diyos, at magtamo ng mga gantimpala at ng korona. Sa huli, naparusahan siya ng Diyos. Kung ang landas na sinusundan ng isang tao ay parehong-pareho sa landas ni Pablo, wala na siyang pag-asa at talagang tapos na siya. Ang sinumang tao na kaparehong uri ni Pablo ay isang anticristo na hindi magsisisi anuman ang mangyari. Kung ilan lang sa mga kalagayan ni Pablo ang taglay mo, pero medyo naiiba ang mithiing hinahangad mo sa mithiin ni Pablo, agad ka dapat na magsisi, at baka makaabot ka pa sa oras. Kung gagawin mo ang ginawa ni Pablo, igagalang mo si Pablo, at parehong-pareho ka ni Pablo, bukod sa hindi ka na mananampalataya, gusto mo pang maging Diyos at maging si Cristo. Hindi ba’t pagnanais itong maging kapantay ng Diyos? Sa puso mo, sinasamba mo ang isang malabong Diyos sa langit; gusto mong maging kapantay ni Cristo, at itinuturing mo pa ngang buhay ang mga kaloob at kaalaman mo, at itinuturing mo ang mga hindi wastong paghahangad bilang mga wastong paghahangad. Ang mga mithiing hinahangad mo, at ang paraan ng paghahangad mo ay palapit na nang palapit sa mga paghahangad ni Pablo, at lalong perpektong napapantayan ang mga paghahangad ni Pablo. Magdudulot ito ng problema sa iyo; wala ka na talagang pag-asa, at hindi ka na maliligtas. Dapat mong gawin ang ginawa ni Pedro at sundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan, lubusan kang maghimagsik laban sa laman, at maghimagsik ka laban sa mga bagay na mula kay Satanas, at saka ka lang magkakaroon ng pag-asang maligtas. May landas na ba kayo ngayon sa pagtanggap ng kaligtasan? (Ang palaging paglalantad sa sarili namin at pagbitiw sa aming sarili.) Una, dapat ninyong bitiwan ang mga pansarili ninyong hangarin, layunin, ambisyon, at pagnanais. Aktibo ka mang naghahangad, o naghahangad sa isang negatibo at pasibong paraan, dapat mong bitiwan ang mga bagay na ito at matutunang magpasakop. Ito ang pinakamahalaga. Kung magpapasya kang kumilos sa isang partikular na paraan kapag may nangyari sa iyo, dapat mo munang suriin kung bakit ka kumikilos nang ganito. Kung para ito sa pride at katayuan, itigil mo na iyan, at bagalan mo ang mga hakbang mo sa pagkilos. Dapat kang magdasal: “Diyos ko, ayaw kong gawin ito. Gusto kong maghimagsik laban dito, pero wala akong lakas. Pakiusap, bigyan Mo ako ng lakas, protektahan Mo ako, at agad Mong pigilan ang paggawa ko ng masama.” Pagkatapos, hindi mo mamamalayan, magkakaroon ka ng lakas. Minsan, ang kakayahan ng mga taong pagtagumpayan ang kasalanan, maghimagsik laban sa laman, at maghimagsik laban sa tiwali nilang disposisyon ay nanggagaling sa pagnanais at determinasyon nila, at sa adhikain nilang mahalin ang katotohanan. Kung minsan, hinihingi nito ang pagkilos ng Diyos, at hinihingi ang pagdepende sa Diyos—hindi puwedeng iwanan ng mga tao ang Diyos. Minsan ay nauunawaan mo ang katotohanan, may landas kang sinusunod, at iniisip mong kaya mo nang mabuhay sa sarili mo, pero kapag nahaharap ka sa mga bagong sitwasyon, hindi mo alam kung paano magsagawa—dapat kang magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya. Ang buhay ng mga tao ay puno ng mga tagumpay at kabiguan. Masasabing hindi kailanman puwedeng mawala ang Diyos sa mga tao. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang maunawaan nila, hindi nila puwedeng iwanan ang Diyos. Kahit gaano pa karaming sandali ng pagiging negatibo ang mayroon sila, o gaano karaming sandali ng pagiging pasibo, sa huli ay hindi nila puwedeng iwanan ang pangunguna at pamamatnubay ng Diyos. Habang mas madalas kang nagpapasakop sa Diyos, mas nadaragdagan ang mga katotohanang realidad mo. Habang nadaragdagan ang mga katotohanang realidad mo, ipinahihiwatig nito na palalim nang palalim ang buhay pagpasok mo. Habang lumalalim ang buhay pagpasok mo, nangangahulugan itong lalo pang nagbabago ang disposisyon mo. Kapag malaki na ang ipinagbago ng disposisyon mo, nangangahulugan itong nagtamo ka na ng tayog. Ang tayog mo ay representasyon ng iyong buhay pagpasok. Kapag may tayog ka, kaya mong pagtagumpayan ang kontrol at pang-aalipin sa iyo ng tiwaling disposisyon mo, magiging mas mahusay ang kakayahan mong pagtagumpayan ang kasalanan, at magkakaroon ng lakas ang puso mo. Hindi ka lang magkakaroon ng madamdaming pagnanais, pag-asa, at adhikain; hindi ka mananatili sa antas na ito. Sa halip, aakyat ka, at magiging isang taong nasa hustong gulang, magiging isang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ito rin ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Nakikita ba ninyo ang direksyon? Nakakakita ba kayo ng pag-asa? (Oo.) Mabuti iyan.

Ang buhay pagpasok ay isang prosesong hindi natatapos. Dapat ay habambuhay kayong magdanas para may makamit dito at sumailalim sa pagbabago. Kahit na tahakin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung hahangarin mo pa rin ang mga kasiyahan ng laman at ang mga pakinabang ng katayuan, matitisod at mabibigo ka pa rin. Ngayon ay nasa tamang landas ka na, at natagpuan mo na ang direksyon mo. Malinaw mo nang nakilatis ang mga bagay na hindi tama, pasibo, taliwas, at negatibo. May harang na sa pagitan mo at ng mga bagay na ito. Tungkol naman sa mga positibong bagay, medyo marami ka na ring naunawaan at natamo mula sa mga iyon, at medyo marami ka nang kayang arukin at tanggapin sa mga iyon. Ang natitira na lang pagkatapos magkaroon ng pagkilatis sa mga mali, buktot, at negatibong bagay at kilos na ito, ay ang lubusang alisin ang mga bagay na ito mula sa puso mo, lubusang iwanan at maghimagsik laban sa mga ito, at pagkatapos ay magsagawa alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Sa totoo lang, hindi naman mahirap ang buhay pagpasok; depende na lang ito kung tunay mong minamahal ang katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, hindi ka matatalo ng mga negatibong bagay na ito. Posibleng pasibo at mahina ka sa loob ng ilang panahon, pero patuloy ka pa ring makauusad. Kung hindi mo minamahal ang katotohanan, o hindi mo ganoon katinding minamahal ang katotohanan, tumutuon ka lang sa mga panlabas na pormalidad, gumugugol nang kaunti ng iyong sarili at ibinibigay ang kaunting bahagi ng sarili mo, nagagawang gumising nang maaga at matulog nang dis-oras ng gabi para gampanan ang tungkulin mo; kung nananatili ka lang sa yugto ng pagtatrabaho, hindi mo gustong magtamo ng pang-unawa sa katotohanan o pumasok sa realidad, kontento ka lang na gugulin ang sarili mo para sa Diyos at hindi ka gumawa ng malalaking pagsalangsang, at hindi ka gumagalaw at hindi umuusad, ano ang magiging kahihinatnan ng lahat ng ito? Talagang hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung gusto mong maging matagumpay ang paghahangad mo sa katotohanan, at tunay mong ninanais na magtamo ng buhay, hindi ito isang simpleng bagay. Dapat mong bitiwan ang sarili mong mga interes at talikuran ang lahat ng hindi wastong paghahangad, tulad ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, paghahangad sa mga pagpapala, o paghahangad sa isang korona o mga gantimpala. Ang lahat ng ito ay dapat bitiwan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan at nasisiyahan kang pagnilayan ang mga salita ng Diyos, ang buhay pagpasok ay hindi magiging isang mahirap na bagay para sa iyo. Basta’t nauunawaan mo ang katotohanan, likas kang magkakaroon ng landas, at hindi ka masyadong mahihirapan.

Hunyo 21, 2018

Sinundan: Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo

Sumunod: Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 1

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito