Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 2
Tungkol sa isyu ng mga kuru-kuro, napagbahaginan na natin noong nakaraan ang tungkol sa tatlong punto: Ang una ay ang mga kuru-kuro tungkol sa pananalig sa Diyos, ang ikalawa ay ang mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao, at ang ikatlo ay ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos. Natapos na nating talakayin ang unang dalawang punto, at napag-usapan na natin ang tungkol sa ilang medyo pangunahing nilalamang konsepto na may kaugnayan sa ikatlong punto. Tungkol naman sa mga kuru-kurong may kinalaman sa puntong ito, o sa nilalamang may kaugnayan sa mga kuru-kurong ito, pagkatapos ba noon ay pinag-isipan ninyong mabuti kung ano ang iba pang nilalaman na may kaugnayan sa mga kuru-kurong ito at may kaugnayan sa katotohanang ito? Walang mga katotohanan na kasingsimple lang ng literal na kahulugan ng mga iyon; lahat ng katotohanan ay naglalaman ng kanya-kanyang tunay na kahulugan, at lahat ng iyon ay may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga tao, pati na rin sa lahat ng aspekto ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at pananalig sa Diyos. Kaya, nakahanap na ba kayo sa inyong mga pang-araw-araw na buhay ng anumang nilalaman na may kaugnayan sa aspektong ito ng katotohanan? Kapag nakikinig kayo sa mga pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, kaunti lang nito ang naiintindihan ninyo, nang literal, at may kaunti kayong pagkakilatis sa mga lantad na kuru-kuro. Kalaunan, sa pamamagitan ng higit pang pagninilay-nilay, pananalangin at paghahanap, at pakikipagbahaginan sa inyong mga kapatid batay sa inyong karanasan, dapat ay makapagkakamit na kayo ng medyo mas malalim at mas praktikal na pagkaunawa. Kung titingnan nang literal ang tatlong katotohanang ito, alin dito ang pinaka may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa kanilang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang praktikal na pagpasok? Aling katotohanan ang pinakamasusi at pinakamalalim? (Ang ikatlong katotohanan.) Bahagyang mas masusi ang ikatlong katotohanan. Ang una ay mga kuru-kuro tungkol sa pananalig sa Diyos, at ang mga kuru-kurong ito ay medyo lantad at mabababaw na bagay; ang ikalawa ay mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao, na kinapapalooban ng ilang nilalaman na maaaring makita at maunawaan ng mga tao, at maaari nilang makaugnay at mapagnilayan sa buhay; ang ikatlo ay mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng tao—ang panghuling katotohanang ito ay medyo mas malalim. Kung gayon ano nga ba ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos? Ano ba ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Paano nila dapat intindihin at iwasto ang mga kuru-kurong ito, at paano nila dapat lutasin ang mga ito? Ito ang nilalaman ng pagbabahagi ngayon.
Kapag ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay lumala mula sa paggamit ng pangangatwiran at panghuhusga at naging paghiling nila sa Diyos, pagkakaroon ng magagarbong ninanais mula sa Diyos, pagsalungat sa Kanya, at paggawa ng ilang pagsusuri o panghuhusga tungkol sa Kanyang gawain, ang mga kuru-kurong ito ay hindi na isang pananaw o paniniwala lang, kundi may kinalaman na rin sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag may kinalaman na ang mga iyon sa mga tiwaling disposisyon, sapat na iyon para magtulak sa mga taong lumaban sa Diyos, husgahan Siya, at ipagkanulo pa nga Siya. Kaya naman, hindi malaking problema kung ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay hanggang sa mga imahinasyon at haka-haka lang. Samantala, kung lalala ang mga ito at magiging isang pananaw at isang saloobin sa gawain ng Diyos, kung magiging mga hindi na makatwirang hinihingi sa Diyos o panghuhusga at pagkondena sa Diyos ang mga ito, o kung mapupuno na ang mga ito ng ambisyon, mga ninanasa, o layunin, hindi na ito mga ordinaryong kuru-kuro lamang. Bakit Ko sinasabing hindi na ito mga ordinaryong kuru-kuro lamang? Dahil ang mga kuru-kuro at kaisipang ito ay may kinalaman sa iyong buhay pagpasok, at sa iyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at sa kung matatanggap at makapagpapasakop ka ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa kung kikilalanin mo ba Siya bilang ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa iyo at bilang ang Lumika, at lahat ito ay may direktang kaugnayan sa iyong pananaw at saloobin sa Diyos. Kung titingnan sa ganitong paraan, seryoso bang problema na magkaroon ang mga tao ng ganitong mga kuru-kuro? (Oo.) Para masuri ang mga kuru-kurong ito, kung gagawin natin ito mula sa isang teoretikal na pananaw, maaaring parang medyo abstrakto ito, o mukhang walang kaugnayan sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kaya pag-usapan pa natin nang kaunti ang tungkol sa iba’t ibang uri ng lagay ng pamumuhay ng mga tao, na maaari nating makita sa pang-araw-araw na buhay, o sa sangkatauhan, o ang tungkol sa kanilang kapalaran, o ang tungkol sa iba’t iba nilang mga pananaw at saloobin sa buhay at sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos, para masuri natin ang mga kuru-kuro ng mga tao at mahayaan silang makita kung paano pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng Diyos ang sangkatauhan, at kung ano ang mga aktuwal na kalagayan ng gawain ng Diyos. Ito ay isang paksang hindi ganoon kadaling pagbahaginan. Kung ang pagbabahagi ay napakateoretikal, madarama ng mga tao na ito ay walang laman, samantalang kung sobra naman itong nauugnay sa mga walang kabuluhang bagay o napakalapit sa mga totoong buhay ng mga tao, iisipin nilang napakababaw nito, at magkakaroon ng problema sa ganitong uri ng pagbabahagi. Magkagayon man, pagbahaginan pa rin natin ito sa paraan na medyo diretso at madaling maunawaan, na para pa ring nagsasalaysay ng kuwento. Sa pamamagitan ng pagkakasunod-sunod ng pangyayari at mga tauhan sa kuwento, pati na rin ng pilosopiya ng pamumuhay na nasasalamin sa kuwento mismo at sa pangyayaring nakikita ng mga tao, mauunawaan nila ang ilan sa mga paraan at pamamaraan na kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, gayundin ang mga nakalilinlang na pananaw na taglay ng mga tao sa tunay na buhay tungkol sa gawain ng Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot sa lahat ng bagay, o ilang maling bagay na kinakapitan ng mga tao—medyo mas madaling mauunawaan ng mga tao kapag nagbahagi sa ganitong paraan.
Kaya narito ang kuwento. Noon ay may isang batang babae na ipinanganak sa isang hindi gaanong mayamang pamilya. Mula pa noong bata siya ay may kahilingan na siya: Hindi niya hiniling na maging mayaman o marangya sa buhay, ang gusto niya lang ay isang taong maaasahan. Napakagarbo ba ng kahilingang ito? Sobra-sobra ba ang hinihingi niya? (Hindi.) Subalit sa kasawiang-palad, bago pa man siya umabot sa hustong gulang ay pumanaw na ang kanyang ama, kaya sa katunayan ay wala siyang naasahan sa buhay. Nawalan siya ng pangunahing taong maaasahan niya sa buhay, ng tanging taong inisip niya sa kanyang murang edad na maaasahan niya. Hindi ba’t nagdusa nang napakatindi ang mura niyang isipan? Ang mangyari ang ganitong bagay, tiyak na nagdulot ito ng matinding pagdurusa sa kanya. Na-trauma ba ang puso niya? Siguradong na-trauma ito. Paano nangyari ang gayong trauma? Ito ay dahil sa kanyang murang isipan, hindi pa siya handa, at nagsasabing, “Kaya ko nang magsarili, kaya ko nang tustusan ang sarili ko, hindi ko na kailangan pang umasa sa mga magulang ko.” Hindi pa niya kayang magsarili, gaya nga ng sinasabi ng iba. Sa kanyang murang isipan, hindi pa niya naisip kung ano ang gagawin niya para sa kinabukasan niya o kung paano siya mabubuhay nang wala ang kanyang mga magulang. Bago pa man siya magkamalay sa gayong mga bagay, sa ganitong sitwasyon pumanaw ang kanyang ama, na nangangahulugan na ang tutustos sana sa buhay niya ay nawala na, at mas hihirap pa ang mga araw kaysa dati. Maiisip na ninyo kung anong klaseng buhay ang mayroon siya pagkatapos noon. Mahirap ang naging buhay niya kasama ng kanyang ina at batang kapatid na lalake, halos hindi makaraos. Subalit gaano man siya namimighati, kailangan pa ring magpatuloy ang buhay, kaya nagpatuloy na lang siya kasama ang kanyang ina at kapatid. Makalipas ang ilang taon ay lumaki na siya, at kaya na niyang kumita ng kaunting sarili niyang pera para tustusan ang mga gastusin sa buhay ng kanyang ina at kapatid, subalit hindi pa rin marangya ang buhay nila. Sa hinaba-haba ng panahong ito, hindi nagbago ang pinakatatagong kahilingan niya. Kailangan niya ng isang taong maaasahan, subalit anong klaseng tao? Ano nga ba talaga ang hinihiling niyang taong maaasahan niya? Ilarawan nga ninyo sa Akin ang taong iyon. Sa pinakasimpleng salita, ano ba ang ibig sabihin ng “isang taong maaasahan”? Nangangahulugan ito na may isang taong kayang bumuhay sa kanya, na makatutustos pati na rin ng pagkain at damit, para hindi na niya mismo kailanganin pang maghanapbuhay, o magdusa ng anumang hirap. Kahit papaano man lang ay isang taong masasandigan niya tuwing may hindi magagandang nangyayari, isang taong masasandalan niya, gaya nga ng sinasabi nila—iyon ang klase ng taong inaasam niya na maaasahan niya. Kahit pa hindi siya niyon matulungan o matustusan nang pampinansyal sa buhay, tuwing may hindi magandang mangyayari o tuwing siya ay mamimighati, kahit papaano man lang ay mayroon siyang masasandigan, isang taong makakatulong sa kanyang makaalpas sa mahihirap na panahon at malampasan ang unos—ito ang hinihiling niya. Sobra-sobra ba ang hinihinging ito? Hindi ba makatotohanan ang kahilingang ito? Hindi naman sobra-sobra na hingin ito, at hindi ito di-makatotohanang kahilingan. Hindi ba’t humihiling din ang maraming tao ng isang bagay na kasingsimple nito? Iilang tao lang ang makakapagsabi na ipinanganak silang hindi umaasa sa sinuman maliban sa sarili nila mismo. Inaasam ng karamihan sa mga taong nabubuhay sa mundong ito at sa isang komunidad na magkaroon ng kaibigan, o isang taong maaasahan, at walang pinagkaiba ang batang babaeng ito.
Sa isang kisap-mata ay naabot na niya ang edad na maaari na siyang magpakasal, at hinihiling pa rin niyang makakilala ng isang taong maaasahan niya, isang taong masasandalan niya. Hindi naman kailangang maging mayaman ang taong iyon, o na panatilihin siya niyon sa sobrang kaginhawahan, at hindi nito kailangang maging mahusay sa pakikipag-usap. Kailangan lang ay naroroon ito para suportahan siya tuwing siya ay may problema, o ginigipit ng hirap o karamdaman, kahit pa para bigyan lang siya ng ilang nakapang-aalong salita at wala nang iba. Madali bang magkatotoo ang kahilingang ito? Hindi ito tiyak. Walang nakakaalam kung ang mga kahilingan ba ng mga tao ay ang binalak na ibigay o tuparin ng Diyos sa kanila, o kung sa huli ba, ang kanilang mga kahilingan ay pauna nang itinakda ng Diyos sa kapalaran nila. Kaya, walang nakaaalam kung matutupad ba ang hiling ng babaeng ito, at hindi niya rin mismo alam ito. Gayunman, patuloy niyang pinanghawakan ang kahilingang ito habang siya ay nagpapatuloy sa susunod na yugto ng buhay. Sa panahong ito, nakaramdam din siya ng labis na pangamba at pagkabalisa, subalit maging ganoon man, dumating pa rin naman ang araw. Hindi niya alam kung ang taong pinaplano niyang pakasalan ay isa ngang taong maaasahan niya nang panghabambuhay, subalit taos-puso pa rin siyang umaasa sa puso niya na: “Ang taong ito ay dapat na isang taong masasandigan ko. Ang lumipas na dalawampu o higit pang taon ng buhay ko ay naging mahirap na. Kung mapupunta ako sa isang taong hindi maaasahan, magiging mas mahirap pa ang nalalabing bahagi ng buhay ko. Sino pa ba ang maaasahan ko?” Nahirapan siya, subalit wala na siyang magagawa, kaya patuloy lang siyang umasa. Para mabuhay, kapag hindi alam ng mga tao kung bakit sila naririto sa buhay na ito at kung paano nila tatahakin ang buhay, patuloy silang nangangapa nang may ganitong uri ng kahilingan at hindi nababatid na pag-asa. Nang dumating ang sandaling ito, hindi niya alam kung ano ang magiging hinaharap niya. Hindi alam ang hinaharap. Nagpatuloy pa rin siyang sumulong. Gayunpaman, maraming katunayan ang madalas na sumasalungat sa mga hinihiling ng mga tao. Sa ngayon, huwag muna tayong magkomento sa kung bakit isinasaayos ng Diyos ang kapalaran ng mga tao sa ganitong paraan—kung ito ba ay intensyonal na pagsasaayos ng Diyos, o kung ito ba ay dahil isinanhi ng katiwalian at kamangmangan ng mga tao na ang kanilang mga ninanasa at hinihingi ay maging lubhang salungat sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa kanila, kaya madalas ang mga hinihiling nila ay hindi nagkakatotoo, at kaya madalas hindi nangyayari ang mga bagay nang ayon sa inaasahan nila—huwag muna nating talakayin ang lahat ng ito sa ngayon. Una, ituloy muna natin ang kuwento.
Pagkatapos mag-asawa ng babae, pumasok na siya sa kasunod na yugto ng buhay, habang nakakapit sa kanyang kahilingan. Ano ba ang naghihintay sa kanya sa yugtong ito ng buhay? Hindi niya alam, subalit hindi niya ito maiiwasan dahil lang takot siya sa bagay na hindi niya nalalaman. Kailangan niyang patibayin ang kanyang sarili at sumulong, at kailangan pa rin niyang mabuhay sa bawat araw. Sa malaking pagbabagong ito sa kanyang buhay, dumating na sa wakas ang kapalarang isinaayos ng Diyos para sa kanya—at kabaligtaran ito ng kung ano ang inaasam-asam niya. Ang payak na buhay pamilyang inaasam-asam niya, na may simpleng kama, may maliit na sulatang mesa, na may simple at malinis na silid, asawa, at mga anak—hindi kailanman mangyayari ang simpleng buhay na ito na ninanais niya. Pagkatapos niyang mag-asawa, dahil sa trabaho ay gugugulin ng asawa niya ang buong taon nang malayo sa pamilya, kaya kailangan nilang mabuhay nang magkahiwalay. Anong mga aasahan ng isang babae sa gayong buhay? Iyon ay isang buhay na inaapi at may diskriminasyon. Ang maharap sa gayong kapaligirang pinamumuhayan ay isa na namang dagok sa kanyang buhay at kapalaran. Ito ay isang bagay na hindi niya kailanman naisip, at isang bagay rin na hindi niya kailanman ginustong makita o kaharapin. Subalit ngayon, ang mga katunayan ay ganap na hindi naaayon sa kanyang mga kagustuhan at imahinasyon. Ang hindi niya gustong makita o maranasan ay totoong nangyari na sa kanya. Malayo ang asawa niya na nasa trabaho nang buong taon. Kailangan niyang hindi umasa sa iba, kapwa sa buhay at pampinansyal. Kailangan niyang lumabas at kumita para bayaran ang mga bayarin nang mag-isa. Wala siyang katuwang sa buhay, at kailangan niyang umasa sa sarili niya sa lahat ng bagay. Sa gayong kapaligirang pinamumuhayan niya, nagkaroon ba ang babaeng ito ng isang taong maaasahan niya, o talagang hindi? (Talagang hindi.) Natupad ba o nawasak ang kahilingan niya pagkatapos niyang mag-asawa? (Nawasak ito.) Kitang-kita naman, sa ikalawang mahalagang yugto ng kanyang buhay, muli na namang nasira ang kanyang pag-asa, at wala na siyang maaasahan. Ang taong akala niya ay maaasahan niya sa buhay ay wala sa tabi niya, at hindi talaga maaasahan. Ang taong itinuring niyang haligi ng lakas niya, na kanyang sandigan, at isang taong maaasahan ay hindi man lang maaasahan. Kailangan niyang gawin ang lahat ng bagay nang mag-isa, at pangasiwaan at harapin ang lahat ng bagay nang siya lang. Sa mga panahong pinakanahirapan siya, ang magagawa niya lang ay ang magtago sa kama at umiyak sa ilalim ng mga kumot, nang walang sinumang dumaramay sa kanyang problema. Alang-alang sa kanyang imahe, kakayahang makipagkumpetensya, at pagpapahalaga sa sarili, madalas siyang nagpapakita ng matibay na panlabas, at tila ba isa siyang matatag na babae, ngunit sa kaibuturan niya ay talagang napakarupok niya. Kailangan niya ng suporta, at nag-aasam siya ng isang taong maaasahan, pero hindi pa nagkakatotoo ang kahilingang ito.
Lumipas ang ilan pang taong at palipat-lipat siya kasama ang kanyang ilang maliliit na anak, nangungupahan at namumuhay nang walang permanenteng tirahan. Sa ganitong paraan, ang isa sa kanyang pinakapangunahing hinihingi sa buhay ay unti-unti at dahan-dahang gumuguho, habang lumilipas ang mga taon. Ang gusto niya lang naman ay ang magkaroon ng isang maliit na silid na may kama, isang maliit na mesa para sa pagsusulat, at isang kalan na malulutuan, at na makakain ang pamilya niya sa mesa, mag-alaga ng ilang manok, at mamuhay ng isang simpleng buhay. Hindi siya umaasang maging mayaman o marangya. Basta’t simple lang ang buhay, payapa, at sama-sama ang pamilya, sapat na iyon. Gayunman, ang magagawa niya lang sa ngayon ay mabuhay nang isang kahig at isang tuka kasama ng kanyang mga anak. Hindi lamang siya walang maaasahan, kundi ang malala pa rito, kailangan niyang maging ang taong maaasahan ng kanyang sariling mga anak. Naisip niya rin na, dahil napakahirap ng pamumuhay sa mortal na mundong ito, marahil ay makakahanap siya ng paraan para lutasin ang paghihirap na ito, tulad ng pagiging isang Budistang mongha, o paghahanap ng isang lugar upang linangin ang kanyang mga espirituwal na katangian, nang malayo sa lipunan ng mga tao at malayo sa pagdurusang ito, nang hindi umaasa kaninuman, at walang sinumang umaasa sa kanya, dahil ang pamumuhay nang ganito ay sobrang nakakapagod at napakahirap. Subalit ano ang nag-iisang bagay na nagpalakas sa kanya at nagpanatili sa kanyang magpatuloy? (Ang mga anak niya.) Tama iyan. Kung wala siyang mga anak, marahil bawat araw na nabubuhay siya ay mas lalong napakahirap, subalit nang magkaanak na siya, umako siya ng mga responsabilidad at naging ang taong maaasahan ng mga anak niya. Nang tumawag ang kanyang mga anak ng “Nanay,” naramdaman niyang napakabigat ng pasaning nakaatang sa kanya, na hindi niya kayang talikuran ang kanyang mga responsabilidad nang ganoon na lamang, at na hindi siya maaaring umasa sa iba, kundi siya ay maaaring maging ang taong maaasahan ng iba—naisip niya, na ito ay maituturing din na pinagmumulan ng kagalakan sa buhay, ng isang saloobin sa buhay, at ng isang motibasyon para mabuhay. Sa ganitong paraan, nagtiis siya ng sampung taon o higit pa para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Para bang mahaba ang mga araw? (Oo, mahaba nga.) Bakit parang mahaba ang mga iyon? (Dahil mahirap ang buhay niya, kaya parang mahaba ang mga araw.) Alam ninyo mula sa karanasan, ang mga iyon ay parang mga salita ng isang taong dinaanan na iyon at nagawa na iyon. Ang mga araw ay mahirap at sobrang nakakapagod, kaya tila napakahaba ng mga iyon. Lahat ng naranasan niya ay parang isang uri ng pagpapahirap sa kaibuturan ng kanyang puso, kaya kinailangan niyang mabuhay nang nagbibilang ng mga araw, at ang ganitong uri ng buhay ay hindi madaling pagdaanan. Kahit noong nagsilaki na ang mga bata, hindi pa rin nagbago ang kahilingan niya. Nasa kaibuturan pa rin ng puso niya ang kahilingang ito: “Malalaki na ang mga bata at hindi na kailangan ng gaanong pagsisikap para alagaan sila. Kung makakasama namin ang aking asawa at magkakasamang muli ang pamilya, mas magiging maganda na ang buhay namin.” Bumalik na ang kanyang magagandang imahinasyon at, gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, nagbigay inspirasyon at lakas ito sa kanya. Sa tuwing hindi siya makatulog sa gabi, iniisip niya ang mga kaisipan tulad ng: “Ngayong malalaki na ang mga bata, kung makakapagkolehiyo sila, at kalaunan ay makakahanap ng magandang trabaho at kikita na, magiging mas madali na ang buhay, at magiging mas maayos na ang sitwasyon ng pagkain, damit, at tirahan kaysa sa ngayon. At kung babalik na ang aking asawa, magiging mas maganda pa ang buhay, at may maaasahan na ako! Binigo ako ng dalawang taong inasahan ko dati, pero ngayon mas marami na akong taong maaasahan. Naging mabait ang langit sa akin! Mukhang mas maganda na ang mga susunod na araw.” Naniwala siyang maganda na ang mga darating na araw. Mabuting bagay ba ito o masama? Walang nakakaalam. Walang nakakaalam kung ano ang kapalaran sa buhay ng isang tao, o kung ano ang naghihintay sa hinaharap. Ang lahat ng tao ay natitisod sa buhay nang tulad nito, nakakapit sa kanilang magagandang kahilingan.
Makalipas ang sampung taon, lumipat sa ibang trabaho ang asawa niya, at nagkasama na sa wakas ang pamilya, na isang mabuting bagay. Kaya sa huli, magiging isang taong maaasahan na ba niya ang asawa niya? Makakaramay na kaya ang asawa niya sa mga hirap niya sa buhay? Dahil hindi pa sila nagsama kailanman, ni nag-ugnayan nang malalim, hindi niya lubos na kilala ang asawa niya. Sa sumunod na mga araw, nagsimula silang mag-asawa na matutong mamuhay nang magkasama at nagkaroon sila ng mas malalim na pagkaunawa sa isa’t isa. Pero hindi pa rin nagbago ang kahilingan niya. Inaasahan niya na ang lalaking ito ang siyang maaasahan niya, ang mag-aalo sa kanya at magpapaginhawa sa kanyang paghihirap, anuman ang mangyari. Gayunpaman, hindi pa rin nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya. Ang asawang ito na hindi pa niya nakakaugnayan nang malalim, ang lalaking ito na hindi niya man lang maintindihan, ay sadyang hindi maaaring maging isang taong maaasahan niya. Ito ay dahil magkaibang-magkaiba ang dalawang taong ito pagdating sa kanilang mga kakayahang mabuhay, mga pantaong katangian, mga pananaw sa buhay, mga pinahahalagahan, at mga saloobin sa kanilang mga anak, pamilya at kamag-anak. Laging nag-aaway ang mag-asawa, at patuloy na nagtatalo sa maliliit na bagay. Inasam ng babaeng ito sa kaibuturan niya na patuloy siyang makapagtiis para maunawaan ng kanyang asawa ang kanyang kabaitan, ang kanyang pasensiya, at ang kanyang paghihirap, at pagkatapos ay maantig niya ang damdamin nito at muli itong makipag-ugnayan sa kanya, subalit ang kanyang kahilingan ay hindi pa rin nagkatotoo. Para sa babaeng ito, sa kaibuturan niya, ang asawa ba niya ay isang taong maaasahan niya? Maaari ba itong maging isang taong kanyang maaasahan? (Hindi, hindi ito maaari.) Tuwing nahaharap siya sa mga paghihirap, hindi lamang nabibigo ang asawa niya na aluin siya at pagaanin ang paghihirap niya, kundi dinadagdagan pa nito ang kanyang paghihirap, kaya lalo pa siyang nadidismaya at walang magawa. Sa pagkakataong ito, ano ang mga pinakatatagong damdamin at pagkaunawa niya sa buhay? Ang mga iyon ay pagkadismaya at paghihirap, kaya napatanong siya, “May Diyos ba talaga? Bakit ang hirap ng buhay ko? Ang gusto ko lang naman ay isang taong maaasahan, sobra na ba ang hingin iyon? Ito lang naman ang munting kahilingan ko. Bakit hindi pa rin ito nagkakatotoo sa maraming taon na nabubuhay ako? Hindi naman labis-labis ang hinihingi ko at wala akong mga ambisyon. Gusto ko lang ng isang taong masasandalan tuwing may mga mangyayaring hindi maganda, iyon lang naman. Bakit kahit ang gayong maliit na kahilingan ay hindi matupad?” Tumagal pa ang sitwasyong ito nang ilan pang taon. Malinaw naman, na ang buhay ng pamilyang ito ay hindi masyadong maayos; may mga madalas na pagtatalo. Malungkot at hindi masaya ang mga bata, pati na rin ang mga magulang nila. Walang kapayapaan o kagalakan sa pamilya, at ang nararamdaman lang ng bawat tao ay takot, kaba, at sindak, pati na rin paghihirap at pagkabalisa sa kaibuturan ng puso nila.
Pagkalipas ng ilang taon, nagbago na sa wakas ang mga bagay-bagay at dumating sa kanya ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Pakiramdam niya ay baka magkakatotoo na sa wakas ang kahilingan niya. Naisip niya, “Hindi ko kailangang umasa sa aking ama, sa aking asawa, o sa sinumang nakapaligid sa akin. Hangga’t umaasa ako sa Panginoong Jesus, maaari akong maging payapa, at magkaroon ng talagang maaasahan ko, at makasumpong ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, at pagkatapos ay gagaan na ang buhay.” Matapos tanggapin ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, naging mas masaya na ang babaeng ito, at siyempre, naging mas maayos na ang kanyang buhay. Bagama’t hindi nagbago ang saloobin ng asawa niya sa kanya, at malupit pa rin ito gaya ng dati, binabalewala siya at walang pagsasaalang-alang, malasakit o pag-aalala sa kanya, maski pasensiya, pagpapasalamat o pagpaparaya man lang, gayunpaman, dahil taglay niya sa puso niya ang pagliligtas ng Panginoong Jesus, nagbago na ang saloobin niya sa lahat ng ito. Hindi na siya nakipagtalo o nagtangkang mangatwiran sa asawa niya, dahil naunawaan na niya na walang mapapala ang mga tao sa pakikipagtalo tungkol sa lahat ng ito. Tuwing nagugulo ang mga bagay-bagay, kinakausap niya ang Panginoong Jesus at mas nagiging bukas ang puso niya. Sa ganitong paraan, nagmukhang medyo maayos na ang kanyang buhay pamilya. Subalit hindi nagtagal ang magagandang panahong ito, at nagbago na naman ang buhay niya. Noong nagsimula siyang sumampalataya sa Panginoong Jesus, ipinangaral niya ang ebanghelyo nang may sigasig, niyakap niya ang buhay iglesia, at sinuportahan ang kanyang mga kapatid. Gayunpaman, hindi sumang-ayon ang asawa niya. Sinimulan siya nitong usigin at madalas siya nitong pinagagalitan sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Gusto mo pa bang makisama sa akin? Kung ayaw mo talaga, maghiwalay na tayo!” Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang manalangin na lang sa Panginoon at tiisin ito. Bagaman mahirap at napakasakit ang mga araw na tulad nito, ang trauma sa puso niya ay talagang hindi na kasinglala ng dati, at nakakakuha rin siya ng kaunting ginhawa sa pananalangin. Sa tuwing nahihirapan siya, nananalangin siya sa Panginoon. Kaya may naaasahan ang puso niya at nagkamit ito ng pansamantalang kasiyahan, at nadama niyang labis nang mas mabuti ang buhay niya.
Unti-unti, lumaki na ang mga bata. Dahil nakatira ang mga bata sa kanya mula pagkabata at medyo mas malakas ang kanilang pagmamahal sa kanya, nadama ng babaeng ito, “Ngayong malalaki na ang mga anak ko, hindi ko na kailangan pang umasa sa asawa ko, maaasahan ko na ang mga anak ko.” Sa panlabas, para bang umaasa na siya sa Panginoong Jesus at ipinagkatiwala na niya sa mga kamay ng Panginoong Jesus ang puso niya, ang pamilya niya, at maging ang kinabukasan at mga inaasam-asam niya. Pero kung tutuusin, sa kaibuturan niya, kumakapit pa rin siya sa kahilingang ito sa mga tao na nakikita niya at may kaugnayan sa kanya, at umaasa siyang magkakatotoo ang kahilingang ito balang araw. Dahil hindi nakikita ng mga tao kung nasaan ang Panginoong Jesus, sinasabi nila na nasa tabi nila at nasa puso nila ang Panginoong Jesus, pero naisip niya na hindi mahahawakan o makikita ang Diyos, kaya hindi siya napalagay. Naisip niya na sapat na ang umasa na lang sa Panginoong Jesus para malampasan niya ang mahahalagang pangyayari at malalaking isyu, subalit sa totoong buhay ay kailangan pa rin niyang umasa sa kanyang mga anak. Sa buong panahong ito ay hindi nagbago ang kahilingan niya, at hindi niya ito binitawan. Nananalig na siya ngayon sa Panginoong Jesus, subalit bakit hindi pa rin nagbabago ang kahilingang ito? Maraming dahilan ito. Ang isa ay hindi niya nauunawaan ang katotohanan at wala pa siyang gaanong nalalaman o naiintindihan tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos; ito ang obhetibong dahilan. Ang personal na dahilan ay iyong isa siyang duwag na tao. Bagama’t nananalig siya sa Diyos, pagkatapos makaranas ng labis na pasakit, wala pa rin siyang malinaw na pananaw tungkol sa kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, o tungkol sa kapalaran ng mga tao, sa pamamatnugot ng Diyos, at kung paano gumagawa ang Lumikha. Aling mga bagay ang nagpapakita na wala siyang malinaw na pananaw tungkol sa mga bagay na ito? Una sa lahat, palagi niyang iniaasa sa iba ang kanyang sariling kaligayahan at malalim na pagnanais para sa isang mas maayos na buhay, umaasang matutupad ang kahilingan niya dahil sa pagsuporta o pagtulong ng iba. Maling pananaw ba ito tungkol sa buhay at kapalaran? (Oo.) Mali ang pananaw na ito. Bilang isang magulang, mali ba na umasa ka sa iyong mga anak, sa pamamagitan ng pag-asa na magiging masunurin sila sa iyo at masusuportahan ka nila paglaki nila? Hindi ito mali, at hindi ito paghingi nang sobra. Kung gayon ano ang problema rito? Palagi niyang ninanais na umasa sa kanyang mga anak, at mamuhay ng isang masayang buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga anak, at gugulin ang nalalabing buhay niya na umaasa sa mga anak niya, at tamasahin ang ganito at ganyan sa pamamagitan ng pag-asa sa mga anak niya. Ano ang maling pananaw niya sa paggawa nito? Bakit siya may ganitong ideya? Ano ang pinagmulan ng pananaw na ito na pinanghahawakan niya? Palaging labis na inaasam ng mga tao ang isang partikular na paraan ng pamumuhay at partikular na antas ng pamumuhay. Ang ibig sabihin, bago pa man malaman ng mga tao kung paano paunang itinakda ng Diyos ang mga buhay nila o kung ano ang kapalaran nila, naplano na nila kung ano ba dapat ang antas ng pamumuhay nila, na dapat ay maging masaya sila, at magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang mga buhay, at maging mayaman at marangya, at magkaroon ng mga taong tutulong sa kanila at maaasahan nila—naplano na ng mga tao ang kanilang landas sa buhay, ang mga mithiin nila sa buhay, ang kahahantungan nila sa buhay, at lahat ng iba pa. Mayroon bang kahit na anong pananalig sa Diyos sa lahat ng ito? (Wala.) Wala, walang kahit na ano. Palaging may pananaw ang babaeng ito sa buhay: Kung aasa ako kay ganito at ganyan, magiging mas payapa, mas masaya, at mas marangya ang buhay ko; kung aasa ako kay ganito at ganyan, magiging mas maayos, mas panatag, at mas masaya ang buhay ko. Tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali ito.) Pagkaraan ng napakaraming taon, naabot na niya ang yugto ng pagsampalataya sa Panginoong Jesus, subalit hindi pa rin niya nakikita nang malinaw kung tungkol ba saan ang buhay ng tao. Mayroon pa rin siyang mga pansariling layunin at plano, at kinakalkula niya ang kanyang landas sa hinaharap at pinaplano ang kanyang buhay sa hinaharap. Kung titingnan ito ngayon, tama ba o mali ang saloobing ito sa buhay at ang ganitong uri ng pagpaplano? (Mali ito.) Bakit? (Dahil hinahangad niya ang mga pansarili niyang mithiin at kagustuhan, sa halip na kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao.) Ang hinahangad niya ay walang kinalaman sa paunang itinakda ng Diyos. Bago pa man niya nalaman kung ano ang gagawin ng Diyos, nagpasya na muna siyang humanap ng taong maaasahan niya. Aasa siya sa taong ito sa yugtong ito at sa taong iyon sa susunod na yugto. Sa ganitong paraan, hindi na siya umasa sa Diyos at umasa na lamang siya sa tao, sa halip na sa Diyos. Dahil palagi siyang may ganitong kahilingan at ganitong mga plano, nasa puso ba niya ang Diyos? (Wala.) Kaya, sa isang panig, ano ang nagdulot ng kirot na nagmula sa lahat ng kanyang paghihirap? (Dulot ito ng kanyang kahilingan.) Totoong-totoo iyan. Kaya paano umusbong ang kahilingan niya? (Sa hindi niya pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyan. Hindi niya naunawaan kung paano nangyayari ang kapalaran ng tao, at hindi rin niya naunawaan kung paano kumikilos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang ugat ng problema.
Ituloy natin ang kuwento. Nang nagsilaki na ang mga anak ng babaeng ito, ang ilan ay nagtrabaho at ang iba naman ay lumagay sa tahimik at nagsipag-asawa, at siyempre, kailangan nilang iwan ang kanilang mga magulang at magsarili, at hindi na nila madalas makasama ang kanilang mga magulang. Dahil doon, ano ang sumunod na problemang kinaharap ng babaeng ito? Ang kahilingan niyang umasa sa kanyang mga anak ay tila nasa bingit ng muling pagkawasak. Isa na namang masakit na trahedya ito, panibagong dagok sa kanyang karanasan sa buhay. Dahil sa lahat ng uri ng kadahilanan, hindi maaaring manirahan sa tabi niya ang kanyang mga anak at hindi siya masamahan ng mga ito, o madalas na madalaw at maalagaan. Kaya naman, ang inaasam niya na sana ay nasa tabi niya ang kanyang mga anak upang maging mabuting anak ang mga ito at alagaan siya, at ang kanyang kahilingang makaasa sa kanyang mga anak upang maging mas madali sa kanya ang mga bagay-bagay, at mamuhay siya ng mas komportable at mas masayang buhay—unti-unting lumalayo ang lahat ng ito sa kanya. Kaya, tumindi nang tumindi ang kanyang pagkabahala, pag-aalala, at pananabik sa kanyang mga anak. Hindi ba’t isa na naman itong uri ng pasakit? Habang nagkaka-edad na siya at unti-unting na siyang tumatanda, palalim nang palalim ang kanyang paghihirap, pati na rin ang pananabik niya sa kanyang mga anak. Lumipas ang maraming taon, at bagama’t iba-iba ang mga taong inasahan ng babaeng ito sa bawat yugto ng kanyang buhay, siya ay iniwan nilang lahat sa itinakdang panahon, na lubusang sumira sa kanyang mga kagustuhan o kahibangan, at iniwan siya nitong labis na naghihirap at nagdadalamhati sa kaloob-looban niya. Ano ang idinulot nito sa kanya? Naging dahilan ba ito para pagnilayan niya ang buhay? O pag-isipan kung paano isinasaayos ng Lumikha ang kapalaran ng mga tao? Kung isasaalang-alang ng isang tao ang normal na pag-iisip ng mga tao, pagkatapos makinig sa ilang sermon at makaunawa ng ilang katotohanan, dapat ay alam na nila ang ilang bagay tungkol sa Lumikha, tungkol sa buhay, at tungkol sa kapalaran ng mga tao. Gayunpaman, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, at dahil sa problema ng mismong bida sa kuwentong ito, hanggang sa puntong ito ay hindi pa rin niya maintindihan at wala siyang ideya tungkol sa kanyang naranasan at nakaharap sa bawat yugto ng kanyang buhay, o kung ano ba ang kanyang problema, at sa kaibuturan ng kanyang puso ay naghangad pa rin siya ng isang taong maaasahan. Kaya kanino ba talaga siya dapat umasa? Totoong ang Diyos ang Siyang inaasahan ng mga tao, ngunit ang Diyos ay hindi lang para asahan ng mga tao, hindi lang Siya para dito. Mas mahalaga na malaman ng mga tao kung paano makasundo ang Lumikha, kung paano makilala ang Diyos at magpasakop sa Kanya—hindi lang ito relasyon ng pag-asa at pagiging inaasahan.
Matapos mawalan ang babaeng ito ng maaasahan sa kanyang mga anak at nang tumanda na siya, inilipat niya ang pag-asa niya sa kanyang asawa, na siyang naging huli niyang pag-asa. Kailangan niyang umasa sa kanyang asawa para sa kanyang mga pangunahing pangangailangan, at upang patuloy siyang mabuhay. Kinailangan niyang humanap ng mga paraan upang mabuhay ang kanyang asawa nang ilang taon pa, para makakuha siya ng kaunting pakinabang para sa kanyang sarili. Iyon ang kanyang inasahan. Nabuhay siya nang ganito katagal, kaya puro uban na ang matandang babae, kulubot na ang kanyang mukha, at natanggal na halos ang lahat ng ngipin niya. Bagama’t nagbago na ang kanyang hitsura, ang nanatiling pareho pa rin ay na sa bawat yugto ng kanyang buhay, nakaramdam siya na hindi na niya kayang magpatuloy pa dahil sa sobrang hirap, at kahit na maraming beses niya iyong naramdaman, naging pareho pa rin ang kanyang kahilingan—ang magkaroon siya ng taong maaasahan. Ang isa pang bagay na hindi nagbago ay ang kanyang maling akala tungkol sa mga pangako ng Diyos sa mga tao, gayundin ang ilang maling akala niya tungkol sa kanyang sarili, sa sangkatauhan, at sa kanyang kapalaran at mga pagkakataon. Bagama’t sa kaibuturan niya ay nagiging mas malabo at malayo na ang mga maling akalang ito, marahil ay may kinakapitan pa rin siyang kaunting pag-asa sa kaibuturan ng puso niya: “Kung, sa nalalabing mga taon ko, ay mabubuhay akong masaya kasama ang isang taong maaasahan ko, o makikita ko ang araw kung kailan magtatapos ang gawain ng Diyos at Siya ay luluwalhatiin, hindi nawalan ng saysay ang buhay na ito.” Iyon ang buhay ng babaeng ito. At doon nagtatapos ang kuwento. Ano ang dapat na pamagat ng kuwentong ito? (“Kanino Ako Aasa?”) Iyan ay isang pamagat na maganda at nakakapukaw ng isipan.
Bumalik tayo sa paksa ng ating pagbabahagi, ano ang kinalaman ng kuwentong ito sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Aling bahagi ang may kaugnayan sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Sa anong mga kuru-kuro ito nauugnay? Ibahagi ninyo ang mga naiisip ninyo. (Sa tingin ng mga tao ay dapat tuparin ng Diyos ang mga bagay nang ayon sa mga ekspektasyon at plano nila. Ito ang uri ng kuru-kurong mayroon ang mga tao.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na hangga’t mabuti, positibo, at maagap ang mga mithiin nila, dapat na ipagkaloob ng Lumikha ang mga iyon, at hindi sila dapat pagkaitan ng karapatang pagsikapan ang isang magandang buhay. Isa itong kuru-kuro. Ang pagtupad ba ng Lumikha ay naaayon sa mga kagustuhan, inaasahan, at imahinasyon ng tao? (Hindi ito naaayon.) Kung gayon, sa anong paraan ba kumikilos ang Lumikha? Maging sino ka man, at maging anuman ang pinlano mo, gaano man kaperpekto at kagalang-galang ang mga imahinasyon mo, o hanggang saang antas man tumutugma ang mga ito sa realidad ng iyong buhay, hindi tumitingin ang Diyos sa alinman sa mga bagay na ito, ni pinapansin Niya ang mga ito; sa halip, ang mga bagay ay isinasakatuparan, pinamamatnugutan, at isinasaayos nang ayon sa mga inordeng pamamaraan at kautusan ng Diyos. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Iniisip ng ilang tao, “Pagkatapos ng hindi mabilang na mga paghihirap na naranasan ko sa buhay, hindi ba ako karapat-dapat sa isang magandang buhay? Kapag humarap ako sa Lumikha, hindi ba ako magiging kwalipikadong humiling at maghangad ng magandang buhay at magandang destinasyon?” Hindi ba’t kuru-kuro ito ng tao? Ano ba sa Diyos ang gayong mga kuru-kuro at nabuong kaisipan ng tao? Ang mga iyon ay mga hindi makatwirang kahilingan. Paano nabubuo ang gayong mga hindi makatwirang kahilingan? (Hindi alam ng mga tao ang awtoridad ng Diyos.) Ito ang obhetibong dahilan. Ano ang personal na dahilan? Ito ay dahil mayroon silang mapaghimagsik na disposisyon, at ayaw nilang hanapin ang katotohanan o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Lumikha. Ang buhay bang isinasaayos ng Lumikha para sa karamihan ng mga tao ay mahirap, o masaya ba ito at walang inaalala? (Mahirap.) Karamihan sa mga tao ay namumuhay ng mahirap na buhay, na may napakaraming paghihirap at labis na pasakit. Ano ang layunin ng Lumikha sa pagsasaayos ng mga paghihirap para sa mga tao sa buong buhay nila? Ano ang kabuluhan nito? Sa isang banda, nilalayon ng mga gayong pagsasaayos na hayaan ang mga taong maranasan at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at awtoridad ng Diyos; sa kabilang banda, ang pangunahing layunin Niya ay ang hayaan ang mga taong maranasan kung ano ba talaga ang buhay, at sa gayon ay matanto nila na ang kapalaran ng tao ay kontrolado ng kamay ng Diyos, at hindi pinagpapasyahan ng sinumang tao ni binabago dahil sa mga pagbabago sa personal na kalooban ng mga tao. Anumang ginagawa ng Lumikha at anumang uri ng buhay o kapalaran ang isinaayos Niya para sa mga tao, pinapagnilay Niya sila tungkol sa buhay at sa kung ano ba talaga ang kapalaran ng tao, at, habang pinagninilayan nila ang lahat ng ito, pinadudulog Niya sila sa Diyos. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at sinasabi Niya sa mga tao kung ano ang lahat ng ito, sinasanhi Niyang dumulog ang mga tao sa Kanya, tanggapin kung ano ang sinasabi ng Diyos, maranasan kung ano ang sinasabi ng Diyos, maunawaan kung ano ba talaga ang kaugnayan ng lahat ng sinasabi ng Diyos sa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang totoong buhay. Hinahayaan Niyang mapatunayan ng mga tao ang pagiging praktikal, tumpak, at balido ng mga katotohanang ito, pagkatapos niyon ay nakakamit nila ang mga iyon at kinikilala nila na ang tao ay kontrolado ng mga kamay ng Lumikha, at na ang kapalaran ng tao ay pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos. Kapag naunawaan na ng mga tao ang lahat ng ito, hindi na sila magkakaroon pa ng anumang hindi praktikal na plano sa kanilang buhay, at hindi na sila magkakaroon pa ng mga plano na sumasalungat sa mga kagustuhan ng Lumikha ni sa kung ano ang inorden at isinaayos Niya; sa halip, magiging mas tumpak ang kanilang pagsusuri at pagkaunawa, o pagkakaintindi at plano, kung paano dapat ipamuhay ang kanilang buhay at ang daang dapat nilang tahakin. Ito ang layunin at kabuluhan ng maraming paghihirap na isinasaayos ng Diyos sa buhay ng mga tao.
Kung babalikan natin ang kuwento, pagkatapos na dumanas ang bida ng maraming paghihirap, ano ba ang pagkakaunawa niya sa kung bakit niya kinailangang magtiis ng mga paghihirap at pasakit sa buhay na ito, at kung bakit pinamatnugutan at isinaayos ng Lumikha ang mga bagay sa ganitong paraan? Nakikita ba ninyo iyon sa kuwento? Naunawaan ba niya ang mga bagay na ito? (Hindi.) Bakit niya ito hindi naunawaan? (Dahil sa bawat yugto ng buhay niya, at sa bawat punto ng pagbabago sa buhay niya, sa tuwing paulit-ulit na nawawasak ang mga hinihiling niya ay hindi siya nagninilay o bumubuo ng konklusyon kung bakit hindi magkakatotoo kailanman ang panghabambuhay na pangarap niya. Kung pinagnilayan at hinanap sana niya ang katotohanan, nagbago na sana siya. Gayunpaman, hindi niya naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ang kaya lang niyang gawin ay ang determinadong magpatuloy sa pangarap niya at umasa na isang araw ay biglang magbabago ang kapalaran niya, na imposible naman. Sa panahon ng prosesong ito, palagi siyang lumalaban at nakikibaka, kaya siya matinding nagdalamhati.) Ganoon lang iyon. Dahil mali ang landas na kanyang pinili, subalit hindi niya alam iyon. Itinuring niya iyon bilang isang tamang landas, bilang kanyang lehitimong hangarin at lehitimong kahilingan, at pagkatapos ay nagsumikap, nakipaglaban, at nakipagbaka siya sa direksyong iyon. Hindi siya kailanman nag-alinlangan kung makatotohanan ba o hindi ang kahilingan niya, ni nagduda kung tama ba ito. Sa halip, matigas niyang hinangad ang direksyong ito, nang hindi kailanman nagbabago o bumabaling. Ano, kung gayon, ang layunin ng Diyos sa pagbibigay sa kanya ng napakaraming paghihirap sa buhay? Hindi aksidenteng ginawa ng Diyos ang lahat ng ito. Sa buhay ng sinumang tao, nagsasaayos ang Diyos ng ilang pambihirang karanasan at ilang masasakit na karanasan para dito. Sa katunayan, ginagamit ng Lumikha ang pamamaraang ito at ang mga katunayang ito para sabihin sa iyo na huwag ka nang magpatuloy nang tulad nito, at na walang patutunguhan ang landas na ito, at na hindi ito ang landas na dapat mong tahakin. Ano ang nakikita ninyo rito, na hindi nakikita ng mata? Iyon ay pagpili ng Diyos ng isang landas para sa mga tao, at paraan din ito ng pakikipag-usap ng Diyos sa mga tao, at Kanyang paraan ng pagliligtas sa mga tao, at para mapaahon ang mga tao sa kanilang mga maling kuru-kuro at sutil na pamamaraan. Ito rin ang paraan ng Diyos ng pagsasabi sa iyo na: Ang pinili mong landas ay isang kumunoy, isang nag-aapoy na hukay, isang daang wala nang balikan, at hindi mo ito dapat lakaran. Kung magpapatuloy ka sa daang ito, patuloy kang magdurusa. Hindi ito ang tamang landas sa buhay, hindi ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ito ang landas na paunang inorden ng Diyos para sa iyo. Kung matalino kang tao, pagkatapos mong dumanas ng paghihirap ay magninilay ka: “Bakit ako nakaranas ng ganitong paghihirap? Bakit ko nadamang hindi ko na kayang magpatuloy pa? Hindi ba angkop sa akin ang landas na ito? Kung gayon, anong landas ang dapat kong lakaran at anong direksyon ang dapat kong tahakin sa buhay?” Habang nagninilay ka, bibigyan ka ng Diyos ng kaunting inspirasyon at gabay, o ituturo Niya ang tamang direksyon na dapat mong tahakin sa iyong susunod na hakbang. Palagi kang ginagabayan ng Diyos, upang mas praktikal at tumpak mong maarok ang daan pasulong na pinlano Niya para sa iyo sa totoong buhay. Ginawa ba ito ng bida sa kwentong kasasabi Ko lang sa inyo? (Hindi, hindi siya kailanman nagnilay.) Anong klaseng disposisyon ang mayroon siya? (Ang pagiging mapagmatigas.) Ang pagiging mapagmatigas—sobrang nakakagulo ito. Mula noong bata pa siya hanggang noong tumanda na siya, hindi nagbago ang kahilingan niyang magkaroon ng taong maaasahan. Bago pa man niya narinig ang ebanghelyo ng Diyos at bago siya nagkaroon ng kabatiran sa kung paano nilikha ng Lumikha ang langit at lupa at lahat ng bagay, o nang dumating sa kanya ang ebanghelyo ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanya ang katotohanan sa lahat ng ito, hindi nagbago ang kahilingan niya mula simula hanggang wakas—ito ang pinakanakakalungkot na aspekto. May mga kaisipan at ideya ang mga tao. Ano ang layunin ng Diyos sa paglikha ng lahat ng ito para sa mga tao? Ito ay para madama at maintindihan ng mga tao ang mga tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa kanila. Bilang isang normal na taong nagtataglay ng katwiran at konsensiya, mauunawaan naman ng bawat nilikhang tao ang mga pagnanais ng Lumikha at mauunawaan nila ito sa iba’t ibang antas ng lalim kapag naranasan at pinahalagahan nila sa kanilang puso ang lahat ng bagay na ito na pinamatnugutan ng Diyos. Isang paraan ito ng paggawa ng Diyos na napakapraktikal at totoo. Subalit dahil masyadong mapagmataas at mapagmatigas ang mga tao, at hindi nila madaling matanggap ang katotohanan, mahirap para sa kanila na maarok ang mga layunin ng Lumikha. Paano naipamamalas ang pagiging mapagmatigas ng mga tao? Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, kumakapit pa rin ang mga tao sa sarili nilang mga bagay. Ang mentalidad nila ay: “Gusto kong planuhin ang buhay ko. May mga ideya ako, may utak ako, may pinag-aralan ako, at kaya kong kontrolin ang buhay ko. Nakikita ko ang pinagmumulan ng lahat ng bagay sa buhay ko, at kaya kong ganap na patnugutan ang lahat ng ito, kaya kaya kong planuhin ang sarili kong kaligayahan, kinabukasan, at mga pagkakataon.” Kapag nadarama nilang hindi na nila kayang magpatuloy pa, sinasabi nila, “Nabigo ako sa pagkakataong ito, susubukan ko na lang ulit sa susunod.” Naniniwala sila na ganito dapat mamuhay ang mga tao, at kung ang isang tao ay hindi mapagkumpetensiya, magiging lubhang walang silbi at mahina siya sa buhay. Ano ang nasa ugat ng kanilang pagpupumilit? Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil naniniwala sila na dapat silang maging ganap na malakas na tao sa halip na mahinang tao, at na hindi sila dapat mapatumba ng buhay, lalo na ang maliitin ng ibang tao, at na dapat na nakapagsasarili at mapagkumpetensiya ang mga tao, at may matibay na pagpapasya, at tinitingala ng iba. Nangingibabaw ang mga disposisyon, ideya, at kaisipang ito sa kanilang pag-uugali, kaya’t sa tuwing nahaharap sila sa mga paghihirap, suliranin, o pasakit na pinamamatnugutan ng Diyos para sa kanila, pinipili nila ang parehong paraan tulad ng dati: ang pagpapatuloy sa sarili nilang mga iniisip, nang hindi natitinag, at ganap na pagpupumilit hanggang sa katapusan sa kung anumang inaakala nilang mabuti, tama, at kapaki-pakinabang para sa kanila, at ang pagiging mapagkumpetensiyang tao. Ang mismong mapagmatigas na disposisyong ito ang nagsasanhi sa kanilang gumawa ng mga ignorante at impraktikal na paghatol, at nagbubunga ito ng maraming impraktikal na pang-unawa at karanasan.
Katatalakay Ko lang ngayon sa isang aspekto ng mga disposisyon ng mga tao—ang pagiging mapagmatigas. Dahil sa pagiging mapagmatigas ng mga tao, kapag naharap sila sa masasakit na kalagayan at suliranin na pinaglalagyan sa kanila ng Lumikha, ang saloobin nila ay hindi ang magpasakop, kundi ang kumapit nang mahigpit sa anumang pinakikinabangan nila at ang huwag itong abandonahin. Paano iwinawasto ng Diyos ang gayong pag-uugali? Hindi naaapektuhan ng kalooban ng tao ang gawain ng Diyos, kaya paano iwinawasto ng Diyos ang mga ganitong pagkilos ng mga tao? Siguradong hindi sasabihin ng Diyos na, “Nabigo ka sa pagkakataong ito, kaya katapusan mo na. Ang mga taong tulad mo ay walang silbi at ayaw Ko na sa iyo.” Hindi pa sinukuan ng Diyos ang mga tao. Patuloy Niyang ginagamit ang parehong paraan, patuloy Siyang nagsasaayos ng iba’t ibang kapaligiran at iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, para maranasan ng mga tao ang parehong pasakit at maharap sila sa parehong mga suliranin. Ano ang layunin nito? (Iminumulat nito ang mga tao.) Nagsasanhi ito sa mga tao na magnilay, mamulat, at maabandona ang matitibay nilang pananaw. Muli’t muli, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga natatanging pamamaraan upang makipag-usap sa mga tao sa ganitong paraan, at upang makipag-ugnayan sa mga tao sa ganitong paraan. Sa huli, ano ang resulta na gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng kaparaanang ito ng paggawa? Ginagabayan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpaparanas sa kanila ng iba’t ibang suliranin, dalamhati, at maging karamdaman at kasawian sa pamilya sa buong buhay nila. Ang layunin ng pagpaparanas sa mga tao ng pagdurusang ito ay ang magawa silang palagiang magnilay at makaunawa sa kanilang kaluluwa, at matiyak sa kaibuturan nila na: “Pagsasaayos ba ito ng Diyos? Paano ko dapat tahakin ang aking landas sa hinaharap? Dapat ba akong magbago ng direksyon? Dapat ko bang hanapin ang daan ng katotohanan? Dapat ko bang baguhin ang paraan ko ng pamumuhay?” Ipinaparanas ng Diyos sa mga tao ang lahat ng uri ng pasakit, kapighatian, kasawian, at suliranin, upang pagkatapos niyon ay makumpirma nila sa kaibuturan ng mga puso nila na mayroong May Kataas-taasang Kapangyarihan na namamahala sa kapalaran ng mga tao, at na ang mga tao ay hindi puwedeng maging sutil, mapagmataas, o matigas ang ulo, kundi dapat ay matuto silang magpasakop—magpasakop sa mga kapaligiran, magpasakop sa kapalaran, at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa paligid nila. Bago mo marinig ang malinaw na mga salita ng Diyos, ginagamit ng Diyos ang mga paraan at katunayang ito upang iparanas sa iyo ang lahat ng uri ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay, at upang palagiang ipakumpirma sa iyo sa kaibuturan ng puso mo na ang kapalaran ng mga tao ay isinasaayos ng Diyos, na walang sinumang taong may kataas-taasang kapangyarihan dito, at na hindi maaaring magkaroon ang mga tao ng kataas-taasang kapangyarihan sa sarili nilang kapalaran. Palagi kang mayroong ganitong uri ng pagkaunawa o tinig sa kaibuturan ng puso mo, at palagi mong kinukumpirma na lahat ng nararanasan mo ay hindi dulot ng sinumang tao, ni nagkataon lamang, ni dulot ng mga obhetibong kadahilanan o sitwasyon, kundi ang Diyos ang hindi kapansin-pansing may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi nagkataon lang na nakilala ng isang tao ang isa pang tao at may nangyari, o na naharap siya sa isang kapaligirang bumabago sa buhay niya. Hindi nagkataon lamang na dinapuan ng sakit ang isang tao at pagkatapos ay nagtamo siya ng malalaking pagpapala. Ito ay pagsasabi ng Diyos sa bawat tao sa natatanging paraan na: Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, binabantayan at ginagabayan ng Diyos ang mga tao bawat araw, at ginagabayan Niya ang lahat sa bawat araw at sa buong buhay nila. Bukod sa pagpapaalam sa mga tao na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, sa lahat ng bagay na may kinalaman sa buhay ng mga tao, sa kahahantungan ng sangkatauhan, at sa lahat-lahat ng may kinalaman sa sangkatauhan, ano pa ang gustong maisakatuparan ng Diyos? Ito ay ang unti-unting mapaglaho, maalis, at maiwaksi ang ilang impraktikal na kuru-kuro, imahinasyon, at hinihingi ng mga tao sa Diyos na Lumikha, at pagkatapos ay ang unti-unting maabot ng mga tao ang punto kung saan malinaw nilang nakikilala at nauunawaan ang mga paraan kung paano ginagabayan ng Lumikha ang sangkatauhan, at ang mga paraan kung paano isinasaayos ng Lumikha ang kapalaran ng buong buhay ng mga tao. Mula sa mga bagay na ito, makikita na ng mga tao na ang Diyos ay may disposisyon at na ang Diyos ay malinaw na malinaw at buhay na buhay. Hindi Siya isang estatwang gawa sa luwad, ni isang robot, ni isang walang buhay na nilalang na nabuo sa imahinasyon ng mga tao, kundi, Siya ay may buhay at mga disposisyon. Sa isang banda, dahil dito ay nauunawaan ng mga tao ang mga paraan kung paano gumagawa ang Lumikha at nabibitiwan nila ang lahat ng uri ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at ilang hungkag na katwiran at lohika na hindi umaayon sa realidad. Sa madaling salita, dahil dito ay nabibitiwan ng mga tao ang lahat ng hungkag na kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Sa kabilang banda, kapag binitiwan na nila ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito, matatanggap na ng mga tao ang gawain ng Diyos at makakapagpasakop na sila sa gawain at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa isang banda ay isa itong maliit na resulta, ngunit sa kabilang banda ay mayroong isang resulta na hindi pa ninyo nakikita, at ito ang pinakamalaki at pinakamalalim. Ano ang resultang ito? Ito ay na ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang sabihin sa mga tao na ang lahat ng ginagawa at isinasakatuparan Niya sa mga tao, ay ginagawa Niya sa isang napakapraktikal at tunay na kalagayan. Kapag naunawaan na ito ng mga tao, iwawaksi na nila ang ilang hungkag at ilusyong bagay, talagang susunod at magpapasakop na sila sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at pagkatapos ay talagang haharapin na nila ang lahat ng bagay na isinaayos ng Lumikha sa tunay na buhay, sa halip na gumamit ng ilang hungkag na teorya o konsepto ng relihiyon o teolohikal na kaalaman upang gunigunihin ang Lumikha, o harapin ang ilang bagay sa buhay. Ito ang kalalabasang gustong makita ng Diyos, at ang nais Niyang makamit sa mga tao. Samakatuwid, sa unang yugto, bago mo marinig ang tinig ng Lumikha at maunawaan ang malilinaw na salita ng Lumikha tungkol sa iba’t ibang katotohanan, ang paraan na gumagawa ang Diyos sa tao ay ang magsaayos ng iba’t ibang kapaligiran para maranasan mo iyon at malantad ka doon. Kapag mayroon kang kaunting kumpirmasyon, at mayroon kang ilang damdamin tungkol sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng iyong puso, at naaantig ka ng mga iyon at nauunawaan mo ang mga iyon, sasabihin sa iyo ng Diyos sa malinaw na pananalita kung tungkol saan ang buhay, kung tungkol saan ang Diyos, kung paano nagkaroon ng mga tao, at kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao. Sa ganitong paraan, batay sa paniniwala na nagmula ang mga tao sa Diyos at na nilikha sila ng Diyos, at sa paniniwala na mayroong May Kataas-taasang Kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay, tatahakin na ng tao ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at kasunod nito ay tatanggapin nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tatanggapin nila ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos—mas maganda pa nga ang bisa nito. Ngayon, sino ang lahat ng taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Sa pinakamababa, kinikilala nila ang pag-iral ng Diyos at naniniwala silang ang buong daigdig ng sansinukob ay napapailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naniniwala rin sila sa kapalaran at na ang buhay ng tao ay paunang inorden ng Diyos, at higit pa rito, naniniwala sila sa pagkakaroon ng espirituwal na mundo at sa pagkakaroon ng langit at impiyerno, at na ang kapalaran ng mga tao ay pauna nang itinakda. Mula sa mga taong ito, pinili ng Diyos ang Kanyang mga hinirang na tao, na nagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan. Nauunawaan nila ang tinig ng Diyos at kaya nilang tanggapin ang gawain ng Diyos. Ito ay isang paraan at isang prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos.
Katatalakay lamang natin ngayon sa kung paano gumagawa ang Diyos sa mga tao, at sa mga paraan na gumagawa ang Diyos. Ang mga bagay na ito lamang ang tinalakay natin, at wala tayong sinabing anuman tungkol sa kung ano ang mga kuru-kuro ng mga tao o kung ano ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos. Pagbahaginan natin ngayon ang mga isyung may kinalaman dito. Dahil binanggit naman natin sa pagbabahaginang ito na ang mga tao ay may ilang hungkag at malalabong ideya at pagkaunawa tungkol sa gawain ng Diyos, humanap tayo ng ilang halimbawa upang patunayan ito, at pag-usapan natin nang kaunti ang kapwa mga positibo at mga negatibong halimbawa. Sa pamamagitan ng pundasyong ito, hindi ba’t mauunawaan na ng mga tao kung aling mga imahinasyon ang medyo hungkag at medyo malabo, at ang mga kuru-kuro lang tungkol sa gawain ng Diyos? Simulan natin sa istoryang ikinuwento Ko sa inyo kanina, kung saan dumanas ang bida ng kwento ng ilang masasakit na karanasan sa buhay. Pagkatapos ng bawat masakit na karanasan, nagpatuloy ang Diyos na isaayos at patnugutan ang kapalaran ng bida at gabayan siya sa daan pasulong, gamit ang mga sariling pamamaraan ng Diyos. Bagama’t hindi niya naunawaan, hindi niya alam, at hindi siya nagnilay-nilay, ginawa pa rin ito ng Diyos, tulad ng palaging ginagawa noon ng Diyos. Sa yugtong ito, nagpakita ba siya ng ilang kaisipan tungkol sa paraang ito kung paano gumagawa ang Lumikha? Masasabi bang ang mga kaisipang iyon ay isang uri ng kuru-kuro? Ano ba mismo ang mga kaisipang ito at ang ganitong uri ng kuru-kuro? Una sa lahat, pagdating sa bida mismo, mayroon lamang siyang isang kahilingan. Hindi siya umaasang yumaman o maging marangya sa buhay, gusto lang niya ng isang taong maaasahan. Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-aanalisa, makikita natin na mali ang kahilingang ito. Sa isang banda, salungat ito sa tadhanang pinamamatnugutan at isinasaayos ng Diyos para sa mga tao, at sa isa pang banda, hindi rin ito praktikal. Kung gayon, nagbigay ba ang Diyos ng kahulugan o pahayag tungkol sa kahilingang ito ng bida? Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, magiging napakadali para sa Diyos na ipaunawa sa isang tao ang kaunting doktrina, hindi ba? Kung gusto Niyang ipaunawa sa kanila, hindi ba’t mauunawaan naman nila? May pagnanais ang babaeng ito na magkaroon ng isang taong maaasahan—maaaring gawin ng Diyos na hindi magkaroon ang babaeng ito ng pagnanais na iyon, o na ipabago sa babae ang pagnanais na iyon—ginawa ba iyon ng Diyos? (Hindi.) Hindi, hindi iyon ginawa ng Diyos. Isang uri ba ng kuru-kuro ang pagnanais noong babae? Ito ba ay kahima-himala? Hungkag ba ito? Likas na pangyayari na magkaroon ang mga tao ng gayong mga kaisipan. Bakit Ko sinasabing isa itong likas na pangyayari? Nilikha ng Diyos ang tao na may malayang pagpapasya. May utak, mga kaisipan, at mga ideya ang tao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, nalugmok na ang tao sa mga tunog at tanawin ng mundo, at, pagkatapos turuan ng mga magulang, ikondisyon ng mga pamilya, at turuan ng lipunan, marami nang umuusbong sa mga pag-iisip ng tao—mga bagay na nabubuo sa puso ng tao, na lahat ay lumalabas nang natural. Paano nabuo ang mga bagay na ito na natural na lumalabas sa tao? Una, dapat magkaroon ng kakayahan ang isang tao na pag-isipan ang mga problema—ito ang pundasyong dapat taglayin ng tao para mabuo ang mga ito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagkondisyon ng kapaligiran—gaya ng pagtuturo ng pamilya at ng lipunan ng isang tao—pati na rin ng pag-uudyok ng mga tiwaling disposisyon at ambisyon at pagnanasa mismo ng tao, unti-unting nahuhubog ang mga kaisipang ito. Pagdating sa gayong mga nabuong kaisipan at ideya, umaayon man ang mga ito sa realidad o hungkag man ang mga ito, o maging ano pa man ang mga ito, hindi muna natin hahatulan ang mga ito ngayon. Sa halip, pag-uusapan lamang natin kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng mga kaisipan. Kinokondena ba ng Diyos ang mga iyon? Hindi kinokondena ng Diyos ang mga iyon. Kung gayon, paano Niya hinaharap ang mga iyon? Hindi Niya inaalis ang gayong mga kaisipan sa mga tao. Mayroong kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao, inaakala nilang sa pamamagitan ng banayad na paghaplos ng dakila at walang anyong kamay ng Diyos, ay mababago ang kanilang iniisip. Hindi ba’t malabo, kahima-himala, at hungkag ang kuru-kurong ito? (Ganoon nga.) Isa itong kuru-kurong taglay ng mga tao tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos. Sa kaibuturan ng kanilang mga puso, ang mga tao ay kadalasang may mga pantasya tungkol sa gawain ng Diyos at sa mga pamamaraan ng Kanyang gawain, bagaman hindi nila binibigkas ang mga iyon. Iniisip ng mga tao na marahang lumalapit ang Lumikha sa tabi ng tao at, sa isang kumpas ng Kanyang dakilang kamay at pag-ihip Niya o sa pag-iba ng pag-iisip, mawawala na sa isang iglap ang mga negatibong bagay na nasa loob ng tao, na para bang tahimik na tinangay ng malakas na hangin ang isang ulap. Paano tinatrato ng Diyos ang mga ideyang ito ng tao, ang mga bagay na ito na umuusbong sa isip ng tao? Hindi nilulutas ng Diyos ang mga iyon gamit ang mga kahima-himala at hungkag na pamamaraan, kundi sa pamamagitan ng paglalatag ng kapaligiran para sa tao. Anong uri ng kapaligiran ang Kanyang inilalatag? Hindi ito hungkag—hindi gumagawa ang Diyos ng anumang kahima-himala, na nilalabag ang lahat ng kautusan. Sa halip, naglalatag Siya ng kapaligiran na pumipilit sa isang tao na maunawaan ang usapin at magnilay-nilay nang walang patid, pagkatapos niyon ay ginagamit ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay upang liwanagan ang daan ng taong iyon, kung saan ang taong iyon ay makakaunawa na. Hindi binabago ng Diyos ang tadhana nito; nagdadagdag lamang Siya ng ilang pangyayari sa takbo ng kapalaran nito, sa gayon ay binibigyang-kakayahan itong maunawaan ang mga bagay na ito. Ang mga kuru-kuro ng tao ay pawang kahima-himala, hungkag, malabo, at salungat sa realidad—hindi tugma ang mga iyon sa realidad. Sabihin natin, halimbawa, na may nagugutom at gustong kumain. May mga magsasabing, “Makapangyarihan sa lahat ang Diyos, ang kailangan lang Niyang gawin ay hingahan ako at mabubusog na ako. Kailangan ba talagang magluto ako? Napakaganda sana kung maghihimala nang kaunti ang Diyos para hindi na ako makaramdam ng gutom.” Hindi ba’t hindi ito makatotohanan? (Hindi nga.) Kung sinabi mo sa Diyos na nagugutom ka, ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin sa iyo ng Diyos na maghanap ka ng pagkain at lutuin mo ito. Kung sasabihin mong wala kang pagkain at hindi ka marunong magluto, ano ang gagawin ng Diyos? Sasabihin Niya sa iyo na matuto kang magluto. Ito ang praktikal na panig ng gawain ng Diyos. Kapag may nakaharap kayong isang bagay na malabo sa inyo, at hindi na kayo umuusal ng mga hungkag na panalangin o malabong umaasa sa Diyos nang may pagtitiwala sa sarili, o ipinagkakatiwala ang iyong mga pag-asa sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito na taglay mo tungkol sa Diyos, malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin—malalaman mo ang iyong tungkulin, ang iyong responsabilidad, at ang iyong obligasyon.
Isang aspekto lang ang tinalakay Ko, na kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga kapaligiran na inilalatag ng Diyos, ano ang ginagawa ng Diyos? Patuloy na naglalatag ang Diyos ng mga kapaligiran. Ginagawa Niya ito para patuloy na maunawaan ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at maunawaan kung ano ang kanilang tadhana sa pamamagitan ng karanasan sa buhay, at upang malaman ng mga tao sa kaibuturan nila na ang kanilang mga kagustuhan ay naiiba sa kanilang tadhana, at naiiba sa mga pagsasaayos ng Lumikha. Ginagawa Niya ito upang pagkatapos nito ay matutuhan ng mga tao na unti-unting bitawan ang kanilang mga kagustuhan at magpasakop sa lahat ng bagay na pinapatnugot ng Lumikha. Medyo madali itong maunawaan. Ang isa pang aspekto ay kapag dumarating sa mga tao ang mga malinaw na salita ng Diyos, bumubuo sila ng ilan pang kuru-kuro at imahinasyon. Anong mga kuru-kuro? “Ang mga salita ng Diyos ay ang tinapay ng buhay at ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang Diyos Mismo. Kapag naririnig ko ang mga salita ng Diyos, gaano man ako kaestupido, nagiging matalino agad ako. Basta’t nagbabasa ako ng mas marami pang mga salita ng Diyos, bubuti ang aking kakayahan at madadagdagan ang aking mga kasanayan.” Ano ang mga kaisipang ito na taglay ng mga tao? Ang mga iyon ay ang kanilang mga kuru-kuro. Kung gayon, ganito ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Dahil mga kuru-kuro ito ng mga tao, tiyak na hindi tugma ang mga ito sa gawain ng Diyos at salungat ang mga ito sa gawain. Naririto ang isang katunayan. Nakikipag-usap ang Diyos sa tao nang harapan at sinasabi Niya rito kung ano ang dapat at hindi dapat nitong gawin, kung anong daan ang dapat nitong tahakin, kung paano ito dapat magpasakop Diyos, at ang mga prinsipyong dapat nitong pasukin sa iba’t ibang aspekto ng gawain. Malinaw na sinasabi ng Diyos sa tao ang lahat ng bagay na ito, gayunpaman madalas ay naghihintay at umaasa pa rin ang tao na sasabihin sa kanya ng Diyos kung ano ba talaga ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng iba pang pamamaraan maliban sa mga salita ng Diyos, umaasang makakamit ang dating di-maubos maisip na mga resulta at umaasang makasasaksi ng mga himala. Hindi ba’t ito ay kuru-kuro ng tao? (Oo.) Sa katunayan, ano ba ang ginagawa ng Diyos? (Naglalatag ang Diyos ng mga praktikal na kapaligiran para pagdaanan ng mga tao at maranasan nila ang mga salita ng Diyos.) Ano ang ginagawa ng Diyos kung hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang Kanyang mga layunin pagkatapos Niyang ilatag ang mga praktikal na kapaligirang iyon para sa kanila? (Binibigyang-liwanag at ginagabayan Niya ang mga tao.) Anong dapat mong gawin kung hindi ka Niya binibigyang-liwanag at ginagabayan? (Ang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at gawin ang sinasabi ng Diyos.) Tama iyan. Mula nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa kasalukuyan, ilang salita na ba ang sinabi ng Diyos sa mga tao nang harapan? Napakarami na na kahit gumugol ka pa ng ilang taon para basahin ang mga ito ay hindi ka pa rin makakarating sa dulo. Ngunit gaano karaming mga salita ang nakakamit ng mga tao? Kung napakakakaunti ang nakakamit ng isang tao sa mga iyon, ano ang pinatutunayan niyon? Pinatutunayan niyon na hindi sapat ang pagsisikap ng taong iyon sa mga salita ng Diyos at hindi siya nakinig sa mga iyon. May ilang nagsasabing, “Nakinig ako”—ngunit tinanggap mo ba ang mga salita ng Diyos? Naunawaan mo ba ang mga iyon? Pinagtuunan mo ba ang mga iyon? Hindi mo pinagtuunan ang mga iyon, kaya nalampasan ka na ng mga salita ng Diyos. Samakatuwid, kapag gumagamit ang Diyos ng malinaw na pananalita para sabihin sa tao kung paano kumilos, kung paano mamuhay, kung paano magpasakop sa Kanya, at kung paano maranasan ang bawat pangyayari, kung hindi pa rin nakakaunawa ang tao, wala nang ibang gagawin ang Diyos maliban sa paglalatag ng mga kapaligiran para sa tao, pagbibigay sa tao ng espesyal na kaliwanagan, o pagpaparanas sa tao ng ilang espesyal na karanasan. Iyan ang katapusan ng kung ano ang kaya, dapat, at handang gawin ng Diyos. May mga nagtatanong, “Hindi ba’t nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at hindi Niya nais na masadlak sa perdisyon ang sinuman? Kung gumamit ang Diyos ng gayong paraan upang kumilos, gaano karaming tao ang maliligtas?” Bilang tugon, itatanong ng Diyos, “Ilang tao ang nakikinig sa Aking mga salita at sumusunod sa Aking daan?” Kasingdami lang ng kung ilan ang naroroon—ito ang pananaw ng Diyos at ang pamamaraan ng Kanyang gawain. Wala nang higit pang ginagawa ang Diyos. Ano ang kuru-kuro ng tao sa bagay na ito? “Naaawa ang Diyos sa sangkatauhang ito, nag-aalala Siya sa sangkatauhang ito, kaya kailangan Niyang pasanin ang responsabilidad hanggang sa wakas. Kung susundin Siya ng tao hanggang wakas, tiyak na maliligtas ito.” Tama ba o mali ang kuru-kurong ito? Naaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos? Noong Kapanahunan ng Biyaya, normal para sa mga tao na magkaroon ng ganitong mga kuru-kuro, dahil hindi nila kilala ang Diyos. Sa mga huling araw, sinabi na ng Diyos sa mga tao ang lahat ng katotohanang ito, at nilinaw na rin ng Diyos sa kanila ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, kaya napakawalang-saysay kung nasa puso pa rin ng mga tao ang mga kuru-kurong ito. Sinabi na sa iyo ng Diyos ang lahat ng katotohanang ito, kaya kung, sa huli, sasabihin mo pa rin na hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, at magsasabi ka pa rin ng gayong mga mapaghimagsik at mapagkanulong mga salita, maliligtas ba ng Diyos ang gayong tao? May ilan na palaging iniisip na, “Ginagawa ng Diyos ang gayon kadakilang gawain, dapat Niyang makamit ang mahigit sa kalahati ng mga tao sa mundo, at dapat Siyang gumamit ng malaking bilang ng mga tao, malakas na puwersa, at malaking bilang ng mga personalidad na may mataas na ranggo upang magpatotoo sa kaluwalhatian ng Diyos! Magiging kahanga-hanga iyon!” Ito ang kuru-kuro ng tao. Sa Bibliya, kapwa sa Luma at Bagong Tipan, ilan sa naroon, sa kabuuan, ang naligtas at ginawang perpekto? Sino ang nagawang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan sa huli? (Sina Job at Pedro.) Silang dalawa lang. Sa pananaw ng Diyos, sa katunayan, ang matakot sa Kanya at lumayo sa kasamaan ay ang tumugon sa pamantayan ng pagkilala sa Kanya, ng pagkilala sa Lumikha. Ang mga taong tulad nina Abraham at Noe ay matuwid sa mga mata ng Diyos, ngunit mas mababa pa rin sila kina Job at Pedro. Siyempre, hindi gaanong gumawa ang Diyos noon. Hindi Siya naglaan para sa mga tao tulad ng ginagawa Niya ngayon, ni nagsalita ng napakaraming malinaw na salita, ni gumawa ng gawain ng pagliligtas sa gayon kalaking antas. Maaaring hindi Siya nakapagkamit ng maraming tao, ngunit ito ay nasa loob pa rin ng Kanyang paunang pagtatakda. Anong aspekto ng disposisyon ng Lumikha ang makikita rito? Inaasam ng Diyos na makapagkamit ng maraming tao, ngunit kung sa katunayan ay hindi makakamit ang maraming tao—kung ang sangkatauhang ito ay hindi makakamit ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagliligtas—mas gugustuhin ng Diyos na abandonahin sila at iwaksi sila. Ito ang tinig sa kalooban at pananaw ng Lumikha. Pagdating sa bagay na ito, ano ang mga hinihingi o mga kuru-kuro ng tao sa Diyos? “Dahil gusto Mo akong iligtas, Ikaw dapat ang maging responsable hanggang sa wakas, at pinangakuan Mo ako ng mga pagpapala, kaya dapat Mo akong bigyan ng mga iyon at hayaan na makamit ang mga iyon.” Sa loob ng tao, maraming “dapat”—maraming hinihingi—at isa ito sa kanyang mga kuru-kuro. Sinasabi ng iba, “Gumagawa ang Diyos ng gayon kadakilang gawain—isang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala—kung sa huli ay dalawang tao lamang ang makakamit Niya, iyan ay magiging isang kahihiyan. Hindi ba’t magiging walang saysay ang Kanyang mga pagkilos kung magkagayon?” Iniisip ng tao na hindi dapat ganoon, ngunit masaya ang Diyos na magkamit ng kahit na dalawang tao. Ang tunay na layunin ng Diyos ay hindi lamang ang makamit ang dalawang iyon, kundi ang magkamit ng higit pa roon, ngunit kung hindi gigising at makauunawa ang mga tao, at lahat sila ay may maling pagkaunawa at lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay walang pag-asa at walang halaga, mas gugustuhin pa ng Diyos na huwag na silang matamo. Iyan ang disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pupuwede iyon. Hindi ba’t matatawa si Satanas kung ganoon?” Maaaring tumatawa si Satanas, ngunit hindi ba’t pare-pareho lang ang natalong kaaway ng Diyos? Nakamit pa rin ng Diyos ang sangkatauhan—ang ilan sa kanila na kayang maghimagsik laban kay Satanas at hindi makokontrol nito. Nakamit ng Diyos ang mga tunay na nilalang. Ang mga hindi ba nakamit ng Diyos ay binihag ni Satanas pagkatapos noon? Hindi pa kayo ginawang perpekto—masusunod ba ninyo si Satanas? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao: “Kahit pa ayaw sa akin ng Diyos, hindi ko pa rin susundin si Satanas. Kahit pa mag-alok ito sa akin ng mga pagpapala, hindi ko tatanggapin ang mga iyon.” Walang sinuman sa mga hindi nakamit ng Diyos ang sumusunod kay Satanas—hindi ba’t nagkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian kung gayon? May kuru-kuro ang mga tao tungkol sa dami ng mga taong nakakamit ng Diyos o sa antas ng pagkakamit Niya sa kanila; naniniwala sila na hindi dapat makamit ng Diyos ang iilan lamang. Nagkakaroon ng gayong kuru-kuro ang tao dahil, sa isang panig, hindi maarok ng tao ang isipan ng Diyos at hindi nito maunawaan kung anong uri ng tao ang nais makamit ng Diyos—palaging may distansya sa pagitan ng tao at ng Diyos; sa kabilang panig, ang pagkakaroon ng gayong kuru-kuro ay isang paraan para aliwin ng tao ang kanyang sarili at palayain niya ang kanyang sarili kapag ang kanyang tadhana at kinabukasan ang pinag-uusapan. Naniniwala ang tao, “Napakakaunting tao ang nakamit ng Diyos—napakaluwalhati sana na makamit Niya tayong lahat! Kung hindi nagwaksi ang Diyos ng kahit na isang tao, bagkus nilupig Niya ang lahat, at sa huli ay ginawang perpekto ang lahat, at ang paksa tungkol sa pagpili at pagliligtas ng Diyos sa mga tao, ni ang Kanyang gawain ng pamamahala, ay hindi nauwi sa wala, kung nagkagayon, hindi ba’t lalo pang mapapahiya si Satanas? Hindi ba’t magkakamit ang Diyos ng higit na kaluwalhatian?” Kaya masasabi niya ito ay dahil sa isang banda hindi niya kilala ang Lumikha at sa isa pang banda ay dahil mayroon siyang pansariling makasariling motibo: Nag-aalala siya sa kanyang kinabukasan, kaya’t iniuugnay niya ito sa kaluwalhatian ng Lumikha, at dahil doon ang kanyang puso ay nakadarama ng ginhawa, iniisip na maaari niyang makuha itong pareho. Karagdagan pa rito, sa tingin din niya ay “Ang pagkakamit ng Diyos sa mga tao at pagpapahiya kay Satanas ay matibay na katibayan ng pagkatalo ni Satanas. Sabay-sabay na nakakamit ang tatlong ito!” Talagang mahusay ang mga tao sa pag-iisip ng kung paano sila makikinabang. Medyo tuso ang kuru-kurong ito, hindi ba? May mga makasariling motibo ang mga tao, at hindi ba’t mayroong paghihimagsik sa mga motibong ito? Hindi ba’t mayroon ditong paghingi sa Diyos? Mayroon ditong hindi binibigkas na paglaban sa Diyos na nagsasabing, “Kami ay Iyong pinili, pinamunuan, pinaghirapan nang husto, pinagkalooban ng Iyong buhay at ng Iyong kabuuan, pinagkalooban ng Iyong mga salita at katotohanan, at pinasunod sa Iyo sa loob ng maraming taon. Magiging malaking kawalan kung hindi Mo kami makakamit sa bandang huli.” Ang gayong dahilan ay isang pagtatangkang kikilan ang Diyos, na obligahin Siya na kamtin sila. Ito ay pagsasabi na kung hindi sila makakamit ng Diyos ay hindi iyon kawalan sa kanila, at na ang Diyos ang siyang magdurusa ng kawalan—tama ba ang pahayag na ito? Sa loob nito, kapwa naroroon ang mga hinihingi ng tao, at ang kanyang mga imahinasyon at kuru-kuro: Gumagawa ang Diyos ng gayon kadakilang gawain, kaya’t kailangan Niyang magkamit ng gaano man karaming tao. Saan nagmumula ang “kailangan” na ito? Nagmumula ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sa kanyang di-makatwirang mga hinihingi, at sa kanyang banidad, na may kaunting pagkakahalo ng kanyang mapagmatigas at mabangis na disposisyon.
Dapat pagbahaginan mula sa ibang perspektiba ang gayong mga kuru-kuro ng tao. May ilan na nag-iisip, “Dahil walang pakialam ang Lumikha kung gaano karaming tao ang Kanyang nakakamit, at iniisip Niya na kakamtin Niya ang kung ilang tao lang ang makakamit Niya, dahil ito ang saloobin ng Lumikha, paano tayo dapat makipagtulungan sa Kanya? Ayos bang kaswal lang na maniwala at hindi ito gaanong seryosohin? Sa anumang kaso, hindi rin naman ito sineseryoso ng Diyos, kaya hindi natin kailangang maging sobrang seryoso sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi rin natin kailangang ituring ito bilang ating pangunahing trabaho, o bilang ating panghabambuhay na hangarin. Ngayong alam na natin ang mga kaisipan ng Diyos, hindi ba natin dapat baguhin ang ating paraan ng pamumuhay?” Tama ba o mali ang pananaw na ito? (Ito ay mali.) Dahil ang saloobin ng Diyos ay nilinaw na sa mga tao, at nauunawaan na nila ito, dapat nilang bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Matapos bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, ano na ang dapat gawin ng mga tao at paano na sila dapat pumili, at paano na nila dapat unawain at harapin ang bagay na ito upang magkaroon sila ng pananaw at saloobin na dapat nilang pinakapanghawakan? Una sa lahat, tungkol sa kanilang mga pananaw, dapat subukan ng mga tao na pag-isipan ang mga iyon. Kapag nananalig na sa Diyos ang isang tao, mayroon na itong malabong imahinasyon ng paggalang at pagpapahalaga sa Kanya. Iniisip nito na “Ang Diyos ay makapangyarihan, makapangyarihan sa lahat, at, dahil pumili na Siya ng isang grupo ng tao mula sa tiwaling sangkatauhang ito, tiyak na magagawa Niyang ganap ang mga iyon. Samakatuwid, nakatalaga na kaming pagpalain, at tiyak na iyon.” Hindi ba’t may mentalidad ito ng pag-asa sa swerte sa likod ng gayong “katiyakan”? Ang humiling na magkamit ng mga pagpapala at ng pagsang-ayon ng Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan o sumasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang saloobing hinding-hindi dapat taglayin ng tao. Huwag kang magkaroon ng mentalidad na umaasa sa swerte—ang swerte ay matinding kalaban. Anong uri ng pag-iisip ang pag-asa sa swerte? Alin sa iyong mga kalagayan, kaisipan, ideya, saloobin, kuru-kuro, at pananaw ang may mentalidad ng pag-asa sa swerte sa likod ng mga iyon? Matutukoy mo ba ito? Kung matukoy mo nga ito at makita mo ang pagkakaroon ng pag-iisip na umasa sa swerte para magkamit ng mga pagpapala, paano mo ito dapat baguhin? Paano mo ito dapat lutasin? Ito ay mga praktikal na isyu. Dapat mong malinaw na maunawaan ang mentalidad ng pag-asa sa swerte. Dapat mo itong lutasin. Kung hindi mo ito lulutasin, malamang na mapapahamak ka nito at magdurusa ka. Kung gayon, anong mga bagay ang kinasasangkutan ng mentalidad ng pag-asa sa swerte? May ilan na nag-iisip, “Nananalig ako sa Diyos at iniwan ko pa nga ang aking pamilya at nagbitiw na ako sa aking trabaho. Kahit anuman, kahit pa hindi ako kapuri-puring nakapaglingkod, nagsumikap naman ako, at kahit pa hindi ako nagsumikap, pinagod ko naman ang sarili ko, kaya hangga’t sinusunod ko ang Diyos hanggang wakas, maaari akong maging isa sa mga mananagumpay, isa sa mga naligtas, isa sa mga pinagpala, isa sa mga tao ng kaharian ng Diyos.” Ito ay isang mentalidad ng pag-asa sa swerte. Hindi ba’t may ganitong mentalidad ang lahat? Kahit papaano man lang, ang karamihan ng taong iniiwan ang lahat upang sumunod sa Diyos at buong-araw na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin ay may ganitong uri ng mentalidad. Hindi ba’t ang mentalidad ng pag-asa sa swerte ay isang uri ng kuru-kuro? (Ganoon nga.) Bakit Ko sinasabing isa itong uri ng kuru-kuro? Dahil, kapag hindi mo naunawaan o naintindihan ang layunin at ang saloobin ng Lumikha sa bagay na ito, subhetibo ka lang na nag-aasam ng isang magandang kalalabasan at subhetibo kang naghahangad, at sa ganoong paraan mo ito hinaharap. Isa itong uri ng kuru-kuro. Para sa Lumikha, hindi ba’t isang uri ng pangingikil ang gayong kuru-kuro? Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang paghingi? Na para bang sinasabing, “Dahil sinundan Kita, at dahil iniwan ko na ang lahat at pumupunta ako sa sambahayan ng Diyos para buong-araw na gampanan ang aking tungkulin, dapat akong ituring na isang taong nagpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, tama? Kaya, maaari na ba akong magkaroon ngayon ng isang magandang hinaharap? Hindi dapat malabo ang aking hinaharap—dapat malinaw itong makita.” Isa itong takbo ng pag-iisip na pag-asa sa swerte. Paano lulutasin ang gayong pag-iisip? Dapat malaman ng isang tao ang disposisyon ng Diyos. Ngayong nagbahagi na Ako nang ganito, dapat na pangunahing maunawaan ito ng lahat: “Ganoon pala ang iniisip ng Diyos. Iyon ang pananaw ng Diyos at ang Kanyang saloobin. Ano na ang dapat naming gawin?” Dapat isantabi ng mga tao ang kanilang mentalidad ng pag-asa sa swerte. Para maisantabi ang mentalidad na ito, sapat na bang sabihing, “Isinantabi ko na ito at hindi na ako magkakaroon ng ganoong mga iniisip. Seseryosohin ko ang aking tungkulin, aako ako ng responsabilidad, at lalo akong magsisikap”? Hindi iyon ganoon kasimple—kapag nagkakaroon ang isang tao ng mentalidad ng pag-asa sa swerte, umuusbong sa kanya ang ilang pag-iisip at pagsasagawa, at, higit pa roon, mahahayag ang ilang disposisyon. Dapat lutasin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Kung naunawaan ko na ang mga layunin at saloobin ng Diyos, hindi ba’t wala na akong mentalidad ng pag-asa sa swerte?” Anong klaseng pagsasalita iyan? Wala iyang espirituwal na pang-unawa; iyan ay hungkag na pananalita. Kung gayon, paano lulutasin ang problemang ito? Dapat mong pag-isipan, “Ano ang dapat kong gawin kung kunin ng Diyos ang lahat sa akin? Ang lahat ba ng aking iniaalay sa Diyos at ginugugol para sa Kanya ay ibinigay ko nang kusang-loob, o ang mga iyon ba ay mga pagtatangkang makipagbarter sa Kanya? Kung may balak akong makipagbarter sa Kanya, hindi iyon maganda. Kailangan kong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas iyon.” Dagdag pa rito, habang nagsasagawa ka at habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong maunawaan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang hindi mo nauunawaan, kung anong ginagawa mo ang sumasalungat sa mga hinihingi ng Diyos at sa Kanyang mga layunin, kung anong uri ng landas ang mali at ang landas ng sakuna, at kung anong uri ng landas ang makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang iba pang mga bagay na kinasasangkutan ng pag-iisip ng pag-asa sa swerte? May mga tao, na matapos tamaan ng malubhang karamdaman, ay iniligtas ng Diyos at wala nang sakit. Iniisip nila, “Lahat kayo ay nananalig sa Diyos para maghabol ng mga pagpapala. Iba ako. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang nagdala sa akin dito; binigyan Niya ako ng mga espesyal na sitwasyon at mga espesyal na karanasan na nagtulak sa akin na manalig sa Kanya, kaya mas mahal Niya ako kaysa sa inyo, tinatrato Niya ako nang may natatanging biyaya at, sa huli, magkakaroon ako ng mas malaking pagkakataon na makaligtas kaysa sa inyo.” Iniisip nila na mayroon silang isang pambihira at espesyal na relasyon sa Diyos—na ang kanilang relasyon sa Kanya ay naiiba sa mga karaniwang tao. Dahil sa kanilang espesyal na karanasan, pakiramdam nila na sila ay pambihira at hindi karaniwan, at kaya mayroon silang isang uri ng katiyakan na sila ay magtatagumpay. Ang tingin nila sa sarili nila ay siguradong naiiba sila sa iba, at nakatitiyak sila sa kanilang kakayahang makaligtas—ito rin ay isang mentalidad ng pag-asa sa swerte. May iba na umako ng ilang mahalagang gawain at na mataas ang katayuan. Medyo mas nagdurusa sila kaysa sa iba, medyo mas pinupungusan sila kaysa sa iba, medyo mas nagpapakaabala sila kaysa sa iba, at medyo mas nagsasalita sila kaysa sa iba. Iniisip nila, “Inilagay ako ng Diyos at ng Kanyang sambahayan sa isang mahalagang posisyon at nalulugod sa akin ang aking mga kapatid. Malaking karangalan ito. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay pagpapalain muna ako bago ang iba?” Ito rin ay isang mentalidad ng pag-asa sa swerte, at ito ay isang uri ng kuru-kuro.
Katatalakay Ko lang sa ilang praktikal na pagpapamalas at mga kalagayan ng pag-asa sa swerte. Anong iba pang mga kalagayan, pagpapamalas, o bagay na madalas umuusbong at karaniwang umiiral sa isipan ng mga tao ang nabibilang sa pag-asa sa swerte ng isang tao? Bukod sa mga taong may espesyal na karanasan, mataas na katayuan, at iniwan ang lahat upang buong-araw na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, mayroon ding mga taong kwalipikado, gumagawa ng ilang espesyal na tungkulin, at may ilang espesyal na talento—ang lahat ng taong ito ay may pag-iisip ng pag-asa sa swerte. Ano ang tinutukoy ng “kwalipikado”? Halimbawa, ang ilang nangangaral ng ebanghelyo ay naniniwala na kung makakakuha sila ng 10 tao ay magkakaroon sila ng 10 bunga at magkakaroon sila ng 10 porsiyentong pagkakataon na pagpalain, at na kung magkakaroon sila ng 50 bunga ay magkakaroon sila ng 50 porsiyentong pagkakataon, at na kung magkakaroon sila ng 100 bunga ay magkakaroon sila ng 100 porsiyentong pagkakataon. Isang uri ito ng kuru-kuro, isang uri ng pakikipagbarter, at higit sa lahat, ito ay pag-asa sa swerte. Kung masusukat nila ang gawain ng Diyos habang nakakapit sa mga kuru-kurong ito at sa mentalidad na ito ng pag-asa sa swerte, pananalig ba ito sa Diyos? Anong landas ang kanilang tinatahak? Wala bang anumang mali sa kanilang paghahangad? Bakit umuusbong ang mga bagay na ito sa kanila? Bakit sila kumakapit sa mga iyon at tumatangging bumitiw? Sinasabi ng ilan na ito ay dahil hindi nila kilala ang Diyos. Tama ba ito? Hungkag na pananalita ito. Kung gayon, ano ang eksaktong dahilan? Ang mga taong laging kumakapit sa gayong mga pananaw at saloobin, at may ganitong mga kuru-kuro at napakatigas ang ulo pagdating sa pagkapit sa mga ito—seryoso ba nilang pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Palagi silang may pabasta-bastang saloobin sa mga salita ng Diyos, na ibig sabihin, ang saloobin at pananaw ng isang taong hindi malinaw na nakakakita. Iniisip nila na sa kanilang pananalig sa Diyos, kailangan lang nilang malaman kung gaano na sila nagdusa para sa Diyos at kung gaano na kalaki ang kanilang ibinayad na halaga, kung gaano kalaking gantimpala na ang kanilang natamo, kung anong mga espesyal na talento ang mayroon sila, kung gaano sila kahusay, kung gaano kataas ang kanilang katayuan, kung anong uri ng “mga sandali ng pagkakaibigan sa kahirapan” ang naranasan nila kasama ang Diyos, kung anong mga espesyal na karanasan ang kanilang naranasan, at kung anong mga espesyal na bagay ang ibinigay sa kanila ng Diyos, o kung anong biyaya at mga pagpapala na ibinigay Niya sa kanila ang naiiba sa naibigay sa ibang tao—sa tingin nila ay sapat na ito. Gaano kahigpit man silang kumapit sa mga pananaw na ito, hindi nila kailanman pinagnilayan kung tama ba ang kanilang mga pananaw na ito, o kung alin sa mga salita ng Diyos at kung aling mga prinsipyo ng Kanyang gawain ang hindi katugma ng mga pananaw na ito, o kung ang mga pananaw bang ito ay pinagtibay ng Diyos, o kung ang Diyos ba ay gumagawa sa ganitong paraan, o tumutupad ng mga bagay sa ganitong paraan. Wala silang naging pakialam kailanman sa mga isyung ito. Hanggang ngayon, nagmuni-muni, nag-isip-isip, at nangarap lang sila sa sarili nilang isipan. Kaya ano ang nangyari sa katotohanan sa kanila? Ito ay naging isang dekorasyon. Bagama’t ang mga taong ito ay nananalig sa Diyos, ang kanilang pananalig ay walang kinalaman sa Diyos o sa katotohanan. Kung gayon, saan may kinalaman ang kanilang pananalig? Ito ay may kinalaman lamang sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kanilang sariling mga hangarin, gayundin sa kanilang mga pagpapala at destinasyon sa hinaharap. Hindi nila pinagsikapan ang katotohanan, kaya nauwi sila sa mga resultang ito.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ngayong araw, ngayong nakapagkamit na kayo ng kaunting pagkaunawa sa paraan ng paggawa ng Diyos o sa mga pananaw at saloobin ng Diyos, maaari ba itong magkaroon ng kaunting epekto at makapagkamit ng ilang resulta pagdating sa paghahangad ninyong makilala ang Diyos, sa inyong paghahangad sa katotohanan, at sa inyong paghahangad ng buhay pagpasok? Mababago ba nito ang inyong mga maling pananaw, nang sa gayon ay mabitawan na ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro? (Oo.) Ano ang hinihingi nitong gawin ng mga tao? (Ang bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro at kumilos ayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos.) Dapat mong maunawaan na dahil gumawa ang Diyos ng gayong mga hinihingi at pagpapasya, tiyak na tutuparin Niya ang mga ito. Sa huli, ang katunayan ay na hindi mauuwi sa wala ang mga salita ng Diyos—ang lahat ng iyon ay isasakatuparan at tutuparin. Kung sa tingin mo ay hindi naman tiyak na isasakatuparan ng Diyos ang mga bagay na Kanyang sinasabi, ito ay kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at pagdududa at panghuhusga rin ito sa Diyos. May ilan na nagsasabing, “Paanong nagawa ng Diyos iyon? Paanong nakuntento na Siya na iligtas kung gaano karami lamang ang Kanyang inililigtas? Hindi ba’t dakila at walang katapusan ang pag-ibig ng Diyos? Ang pasensya ng Diyos ay walang katapusan, at ang pagpaparaya at ang awa ng Diyos ay wala ring katapusan.” Gumagawa sila ng lahat ng uri ng palusot para sa hindi nila paghahangad sa katotohanan, naglalaan sila ng isang daan kung saan madali silang makalalabas upang matahak nila ang kanilang sariling landas, at binabalewala nila ang mga salita at gawain ng Diyos, at ang pagpapakita ng Lumikha. Alam na alam nila sa kanilang mga puso na ito ang katotohanan, ngunit inaasam nila na hindi ito ang katotohanan. May elemento ng hindi paniniwala sa ginagawa nila, pati na rin elemento ng pakikipagkumpitensya laban sa Lumikha, at pagsalungat at pangingikil sa Lumikha. Ano ang layunin Ko sa pagsasabi ng mga salitang ito? May ilan na nagsasabing, “Ito ay para gisingin kami, para takutin kami, o para ipaunawa sa amin na ang mga gustong umatras ay puwedeng umatras na lang, na ang mga nagiging mahina o negatibo ay maaaring manatili na lang na mahina o negatibo, at na ang mga nagnanais na ipamuhay ang sarili nilang buhay ay maaaring ipamuhay na lang ang kanilang sariling buhay. Ang gawain ng Diyos ay hindi magtatagal, at bukod pa rito, hindi kailangan ng Diyos ng ganoon karaming tao, kaya maghiwalay na lang tayo ng landas!” Ganito ba ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Anuman ang sabihin ng Diyos, o paano man Niya ito sabihin, ang ipinauunawa ng Diyos sa mga tao ay ang Kanyang mga layunin at ang pinaiintindi Niya sa kanila ay ang katotohanan. Kung gayon, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Dapat nilang sundan ang daan ng Diyos. Ano ang dapat pagnilayan at hangaring malutas ng mga tao? Ang lahat ng kuru-kuro, imahinasyon at hinihingi na salungat sa Diyos. Ang lahat ng ito ay salungat sa katotohanan. Dapat mong bitiwan ang mga bagay na ito, dapat mong iwaksi ang mga bagay na ito sa iyong puso, at hindi ka na dapat maapektuhan o makontrol pa ng mga ito. Kailangan mong tunay na makaharap sa Diyos at matanggap ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos ng mga salita ng Diyos, dapat na malinis sa iyo ang iyong tiwaling disposisyon, at dapat mong matamo ang pagpapasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat mong palaging pagnilayan ang mga bagay sa iyong sarili na hindi tugma sa Diyos at na salungat sa katotohanan, at pagnilayan ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong mga maling pananaw sa iba’t ibang bagay, at ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag pinagninilayan at nauunawaan mo na nang malinaw ang mga bagay na ito, at hinahangad mo na ang katotohanan upang sa wakas ay malutas na ang mga ito, tumatahak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at saka mo lang magagawang sundin ang Diyos at magpasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos.
Hindi pa natin natatapos suriin ang huling bahagi ng kuwentong “Kanino Ako Aasa?” na katatalakay lang natin. Sa sandaling magsimulang manalig ang isang tao sa Diyos, lumalapit siya sa Diyos para manalangin, hanapin ang mga layunin ng Diyos, tanggapin ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, tanggapin ang gabay ng Diyos, at makinig sa bawat salitang galing mismo sa bibig ng Diyos. Sa panahong ito, gumagamit ang Diyos ng malilinaw na salita para sabihin sa mga tao ang Kanyang mga layunin at ang lahat ng kailangan nilang maunawaan. Hindi gusto ng Diyos na maunawaan mo ang mga doktrina at salita, ni hindi rin Niya gustong matuto ka ng teolohiya. Hindi ginagamit ng Diyos ang mga salitang ito para turuan kang magkaroon ng magandang asal, o maging mabuting tao, o maging isang taong may mga pananabik at ambisyon—hindi gusto ng Diyos na maging ganoong tao ka. Gusto ng Diyos na gamitin ang Kanyang mga salita para ipaunawa sa iyo kung saan nagmumula ang mga tao, kung paano sila dapat mamuhay, at kung anong uri ng daan ang dapat nilang sundan. Gayunpaman, pagkatapos na marinig ang mga salitang ito, hindi iyon pinag-iisipan ng mga tao, at matibay pa rin nilang pinanghahawakan ang kanilang mga pananaw, at ang kanilang mga kagustuhan, at pinanghahawakan pa nga nila ang kanilang mga prinsipyo sa pag-uugali. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak akong may kagustuhang maging isang mabuting tao, at sa palagay ko naman ay hindi ako masyadong nalalayo sa pagiging isang mabuting tao. Wala akong ginagawang masama, hindi ako nananakit o nanloloko ng mga tao o nananamantala, at naging mas mabuting tao pa nga ako simula nang manalig ako sa Diyos. Nagsasabi ako palagi ng totoo, tunay ang pakikitungo ko sa iba, at sinusunod ko ang Diyos at ang mga pagsasaayos ng iglesia kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin—hindi pa ba sapat iyon?” Marami bang may ganitong klaseng pag-iisip? Matutupad ba talaga ng mga mananampalataya ang mga hinihingi ng Diyos kung aasa sila sa ganitong paraan ng pag-iisip? Maraming katotohanan ang hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga tao, at maraming aralin ang hinihingi Niyang matutuhan nila. Sa partikular, ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain ang mga katotohanang dapat taglayin ng mga nananalig sa Diyos at ang mga bagay na nagtatatag ng pundasyon. Kung hindi man lang nila naiintindihan ang mga katotohanang ito, makakamit ba nila ang kaligtasan? Kung aasa lamang sila sa mga imahinasyon at masaya na sila sa sarili nila, pero hindi naman nila hinahangad ang katotohanan, kwalipikado pa rin ba silang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino? Makakamit ba nila ang paglilinis ng Diyos at magagawa ba Niya silang perpekto? (Hindi.) Siguradong hindi. Maaaring lampas sa kalahati o higit pa nga ang bilang ng mga tao sa iglesia na hindi hinahangad ang katotohanan. Kung isasaalang-alang ninyo ang sitwasyong ito, mag-iisip ba kayo ng tulad nito: “Napakarami nang sinabi ang Diyos, subalit hindi pa rin nakakaunawa ang mga tao, kaya bakit hindi binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga mangmang at hangal na tao? Bakit hindi lalong magsalita ang Diyos, gumawa pa ng gawain, at pagsikapan pa sila? Bakit hindi sila antigin at disiplinahin ng Banal na Espiritu para ang mga mangmang na ito ay hindi na maging mangmang pa, at ang mga hangal ay hindi na maging hangal pa? Bakit hindi ito ginagawa ng Diyos?” Mali ito. Hindi pa ba sapat ang sinabi ng Diyos? Maraming tao ang nagsasabi na masyadong maraming sinasabi ang Diyos, na nagsasalita Siya nang napakadetalyado, at paulit-ulit pa nga Siya masyado. Kung gayon, may nakakaalam ba kung bakit kailangang magsalita ng Diyos sa ganitong paraan? Ito ay dahil masyadong mapagmatigas at mapaghimagsik ang mga tao, hindi nila kailanman tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi nila pinagsisikapan ang katotohanan—hindi pipilitin ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Kung hindi tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos, paano sila pakikitunguhan ng Diyos? Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng anumang bagay nang sapilitan, ito ang paraan kung paano Siya gumagawa. Napakarami nang sinabi ang Diyos na hindi na nga mabasang lahat iyon ng mga tao, kaya paano Niya mapipilit ang mga tao? Bakit hindi maunawaan ng mga tao ang mga masinsinang layunin ng Diyos? Ang bida sa kuwento, na nakaranas ng habambuhay na pasakit, ay nagbasa rin ng mga salita ng Diyos at nakinig sa mga sermon ng Diyos, at ginugol pa nga niya ang lahat ng oras niya para gumanap ng kanyang tungkulin sa iglesia, pero sa huli, hindi niya naunawaan kung sino ba talaga ang maaasahan niya, o kung paano nabuo ang kahilingan niya at kung magkakatotoo ba ito o hindi—malamang ay may problema sa kasong iyon. Sa katunayan, sa pananaw ng Diyos, napakasimpleng problema nito. Kailangan mo lang magbago ng direksyon at magtungo sa direksyong ibinigay sa iyo ng Diyos at sa landas na sinabi sa iyo ng Diyos, at manalig, tumanggap, magpasakop, at magsagawa sa matatag na paraan, nang walang anumang pagdududa o pag-aalinlangan. Subalit hindi ito magawa ng mga tao. Matibay nilang pinanghahawakan ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon at inaasam, at ang mga kahibangang nakatago sa kanilang mga puso. Itinuturing pa nga nila ang mga ito na kanilang huling makakapitang pag-asa, o mas malala pa rito, itinuturing nila ito bilang pundasyon na maaasahan nila para sa pag-iral nila, samantalang isinasantabi at binabalewala nila ang mga salita ng Diyos at ang direksyong ibinigay Niya sa kanila. Paano nga ba ito hinaharap ng Diyos? Kung hindi mo kinikilala at tinatanggap ang mabubuting bagay na ibinibigay sa iyo, inaalis ng Diyos ang mga iyon. Ano ang nakakamit ng isang tao kapag inalis ang mga ito? Wala. Kaya naman, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi na alam ng bidang ito ang mga sagot sa mga tanong na, “Ang Diyos ba talaga ang Siyang maaasahan ko? Sino ba talaga ang maaasahan ko? Sino ang maaasahan ko para mabuhay, para magkamit ng mga pagpapala, at para makamit ang aking destinasyon sa hinaharap?” Lalo na siyang nalito sa mga tanong na ito. Sa huli, ano ang panghihinayang na nanatili sa kaibuturan ng kanyang puso? Iyon ay na wala siyang maaasahan, wala siyang mapagkakatiwalaan. Ang saklap at miserable ng kanyang buhay! Nalilito na siya sa kung ano ang kabuluhan ng mga pagsasaayos ng Lumikha para sa mga tao sa buhay na ito, hindi niya alam. Pagkatapos niyang dumaan sa ganoong karanasan sa buhay, at tumanda na siya nang hindi pa rin niya maunawaan ang lahat ng iyon, at hindi siya makapagbigay ng tumpak na konklusyon, o makahanap ng tumpak na direksyon at mithiin sa buhay—nang hindi niya nakamit ang alinman sa mga ito, ano na ang ginawa ng Diyos dito? Tinuldukan na ng Diyos ang buhay ng taong ito. Nagawa na ng Diyos ang lahat ng puwedeng gawin. Nagsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran, binigyang-liwanag at ginabayan Niya ang bidang ito, at binigyan pa nga Niya ito ng motibasyon para magpatuloy mabuhay noong ito ay nasa labis na pasakit o noong naharap ito sa mahihirap na sitwasyon. Binigyang-daan siya ng Diyos na mabuhay hanggang sa puntong ito nang may lubos na pagmamahal at suporta. At ano ang layunin nito? Para magbago siya. Ano ang layunin ng pagbabago ng isang tao? Ang maunawaan na wala kang maaasahang sinuman, at na hindi ka dapat umasa kaninuman, at na hindi mo dapat subukang lumikha ng isang masayang buhay nang mag-isa, at na hindi ka dapat magkaroon ng anumang kahilingan, at na, maliban sa Lumikha, walang sinumang makapamamatnugot o makakakontrol sa iyong tadhana, maging ikaw man. Anong dapat mong piliin? Lumapit ka sa Lumikha nang walang anumang pagrereklamo o hinihingi, makinig ka sa Kanyang sinasabi, at sundan mo ang Kanyang daan. Maging ito man ay pasakit o karamdaman, bahagi ito ng buhay ng tao na kailangang maranasan. Kung malapit nang tuldukan ng Diyos ang buhay ng isang tao at hindi pa rin nito nauunawaan ang lahat ng ito, ano pa ang ginagawa ng Diyos? Wala na Siyang ginagawa, nagpapahiwatig din ito na sinukuan na ng Diyos ang taong ito. Bakit wala nang ginagawa ang Diyos? Dahil lagi nang namuhay ang taong ito sa sarili niyang mga kuru-kuro, at namuhay sa sarili niyang mga ninanasa at pinupursige, at tinrato niya ang lahat ng ipinatnugot ng Diyos nang may mapagmatigas at sutil na saloobin, at nang may mapagmagaling at mapagkumpitensyang saloobin. Samakatuwid, kapag malapit nang magwakas ang buhay ng isang tao at dinaanan na niya ang bawat yugto ng mga kapaligiran o prosesong ito na inilatag ng Diyos, subalit ang kanyang pagkakilala sa Lumikha ay hindi man lang nagbago, at wala siyang kahit na anong pagkaunawa sa kapalaran ng buhay ng tao, malinaw na kung ano ang kahihinatnan ng buhay niya, at hindi na makikialam o gagawa ng anuman ang Lumikha. Sa ganitong paraan gumagawa ang Diyos.
Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang umuusbong sa mga tao dahil sa paraan ng paggawa ng Diyos? Kapag nakikita ng ilang tao na itinitiwalag ng Diyos ang iba, umuusbong sa kanila ang mga kuru-kuro at sinasabi nila: “Dumanas na ang taong ito ng sobrang pasakit sa buhay, hindi ba naaawa sa kanya ang Lumikha?” Ano ang kinakatawan ng pagkaawa? (Ang pagbibigay ng biyaya.) Matutukoy ba ng pagbibigay ng biyaya kung ano ang tadhana ng tao? Mababago ba nito ang kanyang tadhana? Mababago ba nito ang kanyang mga pananaw? (Hindi.) Samakatuwid, gaano man karaming pagpapala, biyaya, at materyal na kasiyahan ang ipagkaloob ng Lumikha sa isang tao, kung hindi naman makapag-uudyok o makatutulong ang mga ito sa taong iyon na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, o tahakin ang tamang landas sa buhay, at sa huli ay tahakin ang landas na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at maunawaan ang lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay, mawawalan ng saysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanya, at malinaw na tutuldukan na ang yugto ng buhay kung kailan nananalig ang taong iyon sa Diyos. Anu-anong mga kuru-kuro ang kadalasang umuusbong sa mga tao? “Mapagparaya at mapagpasensiya ang Diyos, at makapangyarihan at malawak ang pag-ibig Niya. Bakit hindi Niya magawang mahalin ang ganitong tao?” Paano naipamamalas ang pag-ibig ng Diyos? Talaga bang mahal ng Diyos ang taong iyon o hindi? May naging resulta na ba sa taong iyon ang pag-ibig ng Diyos? Paano naipamamalas ang pag-ibig ng Diyos kapag wala namang mga resulta? Paano naipamamalas ang disposisyon ng Diyos? Paano isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain? Ang katunayan, bago pa man gumawa ng anuman ang Diyos, hinirang na Niya ang taong iyon, gumawa na Siya rito, at pinag-isipan na Niya ang paunang pagtatakda sa buong buhay nito at ang pamamatnugot dito ayon sa Kanyang paraan. Ang mga layunin ng Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito. Hindi ba’t pag-ibig ito ng Diyos? (Oo.) Ito ay pag-ibig na ng Diyos. Habang dumaraan ang taong iyon sa bawat proseso ng kanyang buhay, pinapakitaan siya ng Diyos ng habag at malasakit, pinoprotektahan siya, binibigyan ng motibasyon, at ipinaglalatag ng ilang kapaligiran, patuloy siyang pinoprotektahan sa pagkumpleto niya ng kanyang misyon sa buhay. Sa panahon ng prosesong ito, gaano man siya kapilit, katigas ang ulo, kamapagmataas, o kamapagmatigas, patuloy siyang tinutulungan ng Diyos na maayos na mapagdaanan ang kanyang buhay ayon sa paraan ng Diyos, nang may pagmamahal at kadakilaan ng Lumikha, at responsabilidad ng Diyos. Gaano man karaming panganib at tukso ang kaharapin niya sa buhay, o kahit ilang beses siyang maging desperado at gustuhing magpakamatay, ginagabayan siya ng Diyos sa buhay na ito ayon sa paraan ng Diyos. Kung wala ang paggabay ng Diyos, tiyak na hindi magiging maayos ang takbo ng kanyang buhay, dahil malulugmok lang siya sa lahat ng uri ng pang-aakit, tukso, o panganib. Kaya, lahat ng ito ay pag-ibig ng Diyos. Sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao na ang pag-ibig ng Diyos ay dapat na walang ganoong pasakit, mga kapighatian, at mga bagay na salungat sa kanilang damdamin. Ang katunayan, patuloy na binibigyan ng Diyos ang mga tao ng awa, biyaya, at mga pagpapala sa isang mapagmahal at mapagparayang paraan. Sa huli, ipinapahayag din Niya ang katotohanan nang may matinding pasensya at pagmamahal, para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makamit ang buhay. Gumagamit Siya ng iba’t ibang kaparaanan para magkamit ng mga resulta, ginagabayan Niya ang mga tao sa bawat hakbang para maunawaan nila ang buhay ng tao at malaman nila kung paano mamuhay nang may kabuluhan. Ano ang layunin ng Diyos sa paggawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan? Sa mas mababaw na pananalita, ang layunin Niya ay ang maiwaksi ng mga tao ang lahat ng pasakit na sumasapit sa buhay nila, pati na rin ang lahat ng pasakit na sila mismo ang nagdudulot; sa mas malalim namang pananalita, ang layunin ng Diyos ay ang gawing masaya ang buhay ng mga tao, ang mamuhay sila bilang mga normal na tao, mga tunay na tao, at ang mamuhay sila sa ilalim ng patnubay ng Lumikha. Gayunpaman, may kalayaan ang lahat. Nilikha ng Diyos ang malayang pagpapasya at ang kakayahang mag-isip para sa mga tao. Kalaunan, tinanggap ng mga tao ang maraming bagay mula sa mundo at lipunang ito, tulad ng kaalaman, tradisyonal na kultura, kalakaran sa lipunan, ang itinuturo ng pamilya, at iba pa. Palagi nang kinasusuklaman ng Diyos ang mga bagay na nagmumula kay Satanas, at isinisiwalat Niya ang mga iyon para malaman ng mga tao ang pagiging katawa-tawa at mapagpaimbabaw ng mga ito, at ang ganap na pagiging di-kaayon nito sa katotohanan. Gayunpaman, hindi kailanman ibinubukod o inilalayo ng Diyos ang mga tao sa mga satanikong bagay na ito. Sa halip, hinahayaan Niyang maranasan at makilatis ng mga tao kung ano ba ang mga iyon, at mula roon ay magkakamit sila ng mga tamang karanasan sa buhay at tamang pagkaunawa. Kapag tapos na ang buong proseso at nagawa na ng Diyos ang lahat ng dapat Niyang gawin, nakakamit ng tao kung ano ang kaya niyang makamit. Kaya sa huling yugtong ito, anong mga kuru-kuro ang umuusbong sa mga tao? Iyon ay na inabandona ng Diyos ang isang tao, na nagpaparamdam sa mga tao na walang pagsasaalang-alang ang Diyos sa kanilang mga damdamin. Sa puntong iyon, nadarama ng mga tao na ang kaunting pag-asang nailagak ng taong iyon sa Diyos ay nawasak na, at sa tingin ng mga tao ay medyo malupit ito. Kapag naramdaman ng mga tao ang ganitong kalupitan, nalalantad din ang kanilang mga kuru-kuro. Gusto mong maging mabuting tao at tulungan ang taong iyon na maligtas. Makakatulong ba ito? Napakaraming taon nang nananalig sa Diyos ang taong iyon nang hindi man lang hinahangad ang katotohanan at wala siyang nakamit na kahit na ano. Gusto mo siyang kaawaan at tulungan, pero kaya mo ba siyang tustusan ng katotohanan? Kaya mo ba siyang pagkalooban ng buhay? Sadyang hindi mo magagawa iyon, kaya bakit ka may mga kuru-kuro sa Diyos? Patas at makatwiran sa lahat ang gawaing isinasakatuparan ng Diyos. Kung hindi nila personal na tinatanggap ang katotohanan at hindi sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos, paano mo mairereklamo na hindi sila inililigtas ng Diyos? Tiyak na may ilang kuru-kuro ang mga tao rito. Nagkakaroon ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, tulad ng: “Dahil napakarami nang ginawa ang Diyos, bakit hindi pa Niya isakatuparan nang ganap ang huling yugtong ito? Parang hindi ito ang gustong gawin ng Diyos, ni ang dapat gawin ng Diyos. Dahil gumawa na ang Diyos ng gayon kadakilang gawain, dapat Niyang hayaang maligtas ang lahat ng nananalig sa Kanya. Ang gayong tagumpay lamang ang magiging perpektong resulta ng gawain ng Diyos. Bakit itiniwalag ng Diyos ang taong ito? Salungat ito sa pag-ibig at awa ng Diyos para sa mga tao, at malamang na hindi ito maunawaan ng mga tao! Bakit sa ganitong paraan gagawin ng Diyos ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t medyo walang pagsasaalang-alang ito sa damdamin ng mga tao?” Ganito lang talaga ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Danasin na lang ninyo ito at balang-araw ay mauunawaan rin ninyo.
Ang katatalakay lang natin ngayon ay may kinalaman sa ilang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Ang ilan doon ay mga imahinasyon ng mga tao, at ang ilan ay mga hinihingi ng mga tao sa Diyos, na ang ibig sabihin, iniisip ng mga tao na dapat gawin ng Diyos ang ganito at ganyan. Kapag hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa iyong mga kuru-kuro at sumasalungat ito sa iyong mga hinihingi o imahinasyon, madidismaya at malulungkot ka, at iisipin mo na “Hindi Kita Diyos, hindi magiging kagaya Mo ang Diyos ko.” Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, sino na ang Diyos mo? Kapag hindi nalutas ang mga ito, madalas namumuhay ang mga tao sa mga kalagayan at kuru-kurong ito, at madalas nilang ginagamit sa isipan nila ang mga kuru-kuro at hinihinging ito para sukatin ang gawain ng Diyos, para husgahan kung ginagawa ba nila nang tama o mali ang mga bagay-bagay, at para husgahan kung tama ba ang landas na kanilang tinatahak—magdudulot ito ng kaguluhan. Tinatahak mo ang isang landas na walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos, kaya kahit pa mukhang sumusunod ka sa Diyos at mukhang nakikinig ka sa Kanyang mga sermon at Kanyang mga salita, magbubunga ba ito sa huli ng pagkakamit ng kaligtasan? Hindi. Samakatuwid, upang makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos, hindi ibig sabihin na sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos at pagpasok sa buhay-iglesia ay makasisigurado ka nang nasa loob ka ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kasama ka sa mga ililigtas at gagawing perpekto ng Diyos, at na nangangahulugan itong naligtas ka na, o siguradong maliligtas ka. Hindi ganoon. Mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng tao, at pangangatwiran at paghusga ng tao.
Lagumin ninyo—anong mga kuru-kuro ng tao ang nasasangkot sa kwentong ito na kasasabi Ko lang sa inyo? Kapag nalagom na ninyo ang mga ito, basahin ninyo ang mga ito. (Diyos ko, nalagom namin ang apat na kuru-kuro: Una, nadarama ng mga tao na kung mayroon silang kahilingan at mga hangarin na makatwiran at hindi naman labis, dapat tuparin ng Diyos ang mga iyon. Pangalawa, nadarama ng mga tao na kung nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para gumawa sa kanila pero hindi pa rin sila nakauunawa, dapat gumawa ang Diyos ng ilang kahima-himalang gawain upang agad silang maliwanagan at maipaalam sa kanila ang tamang landas sa buhay, sa halip na pahirapan sila ng napakaraming pagsubok sa buhay, at hayaan silang mangapa nang sila lang at personal na danasin at harapin ang mga bagay-bagay. Pangatlo, may mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa tingin nila, kung nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para gumawa sa kanila, may maibunga dapat ito sa huli, at iyon ay na dapat silang makamit ng Diyos. Pang-apat, mayroong mentalidad ng pag-asa sa swerte sa likod ng pananalig ng mga tao sa Diyos.) Mayroon pa ba? Sino ang makakapagsabi sa Akin? (Ang isa pang kuru-kuro ay na dahil maraming taon nang gumagawa ang Diyos at nakagawa na Siya ng gayon kalaking gawain, dapat na makapagkamit Siya ng mas marami pang tao, at kung kakaunting tao lamang ang makakamit Niya, hindi ito gawain ng Diyos.) Limang kuru-kuro na iyan. Mayroon pa ba? (May naisip akong isa, iyon ay na kapag may ilang espesyal na karanasan ang mga tao, tulad ng pagkaaresto at pag-uusig, at sa prosesong ito ay may ilan silang tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos at tunay na patotoo, itinuturing nila ito bilang isang uri ng kapital at iniisip nila na dahil mayroon silang ganoong patotoong batay sa karanasan, makukuha na nila ang pagsang-ayon ng Diyos at sa gayon ay mas malaki na ang tsansa nilang maligtas.) (Gayundin, iniisip ng mga tao na kung mas malaki ang kanilang gawain at mas malaki ang halagang ibinabayad nila, mas makukuha nila ang pagsang-ayon ng Diyos at mas malamang na maligtas sila.) Sa madaling salita, iniisip ng mga tao na ang mga tsansa nilang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos ay nakabatay sa kung gaano kalaki ang halagang ibinabayad nila, at dapat na proporsiyonal ang dalawang iyon, sa halip na magkabaligtad o walang relasyon, at dapat na magkaugnay ang mga iyon—isa itong kuru-kuro. Pito na iyan. Ano pa? (May isa pang aspekto, iyon ay na iniisip ng mga tao na kung gusto ng Diyos na maunawaan nila ang katotohanan, maaari Niya silang bigyang-liwanag para maipaunawa ito sa kanila, at hindi Niya dapat subukin, pagkaitan, o pahirapan ang mga tao, dahil mahal ng Diyos ang mga tao, at hindi pagmamahal ang pahirapan sila.) Isa itong kuru-kuro tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Ano pang ibang kuru-kuro ang mayroon? (Iniisip ng mga tao na mas mabuti kung makakamit ng Diyos ang lahat. Mapapahiya si Satanas at makakamit din ng Diyos ang sangkatauhan. Ngunit ang katunayan, isa itong makasarili at kasuklam-suklam na paraan ng pag-iisip ng mga tao, at para ito sa kanilang sariling kapakanan.) Mayroon silang perpektong imahinasyon tungkol sa mga resulta ng gawain ng Diyos. Isa itong kuru-kuro. Bukod sa makasarili at kasuklam-suklam na layuning iyon ng mga tao, naniniwala sila na dapat may simula at wakas ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos, at dapat perpekto ang kinalabasan, at naaayon sa kanilang mga ninanasa, at naaayon sa kanilang mga imahinasyon, at naaayon sa kanilang paghahangad sa magagandang bagay. Gayunpaman, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, ang mga katotohanan ay madalas na hindi naaayon sa mga imahinasyon ng mga tao, at maaaring hindi kasingperpekto ng iniisip ng mga tao ang kalalabasan ng lahat ng ito. Siyempre, ayaw makita ng mga tao na kakaunting tao lang ang matitira kapag natapos na ang gawain ng Diyos, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, kung kailan kakaunti lamang ang mga mananampalatayang tulad ni Job na natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa tingin ng mga tao, hindi dapat ganito ang mga resulta ng gawain ng Diyos, dahil makapangyarihan sa lahat ang Diyos, at ganito ang pakahulugan nila sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Ang kahulugang ito mismo ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos ay isang kuru-kuro, isang konsepto ng paghingi na maging perpekto na nasa imahinasyon ng mga tao, at walang kinalaman sa kung ano ang gustong gawin ng Diyos at sa mga prinsipyo kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain. Ano pang ibang mga kuru-kuro ang mayroon? (Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos, hindi nila pinagninilayan ang landas na kanilang tinatahak, ni kung paano nila maiwawaksi ang katiwalian at makakamit ang kaligtasan. Sa halip, iniisip nila na makapangyarihan sa lahat ang Diyos at na kung sasabihin ng Diyos na mapagbabago Niya ang mga tao ay magbabago sila.) Sinasabi ng Diyos sa mga tao kung paano magbago, pero hindi isinasagawa ng mga tao ang Kanyang mga salita, at hindi nila binabago ang mga sarili nila, at lagi pa nga nilang gustong umiwas sa gusot at ang Diyos na ang magbago sa kanila. Isa itong uri ng hungkag na imahinasyon at kuru-kuro. Mayroon pa ba? (Iniisip ng mga tao na ang taong nagdusa na nang husto at dumanas ng maraming pagsubok ay dapat na magkaroon ng magandang kalalabasan sa huli, at hindi sila dapat sukuan ng Diyos. Sa huli, kapag hindi nakamit ng Diyos ang taong ito at gusto Niyang sukuan na lang ito, titingnan ng mga tao ang lahat ng bagay na ito na ginawa ng Diyos mula sa perspektiba ng isang “mabuting tao,” at madarama nilang ang mga aksyon ng Diyos ay masyadong walang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin at masyadong malupit.) Ano ang problema rito? Inilarawan lamang ninyo ang ilang bagay at pagkakaunawa ninyong batay sa inyong pandama, nang hindi binabanggit na ito ay problemang may kinalaman sa mga kuru-kuro. Ano ang pangunahing kuru-kuro ng mga tao rito? Iniisip ng mga tao na inililigtas ng Diyos ang isang tao batay sa kung gaano ito kaawa-awa at kung gaano ito nagdusa. Iniisip ng mga tao na kapag sa wakas ay napagpasyahan na ng Diyos ang kalalabasan ng taong ito, dapat Niyang ipakita ang Kanyang mahabaging puso, at ang Kanyang kagandahang-loob, pagpaparaya, pagmamahal, at awa, dahil nagdusa na nang labis ang taong ito at sobrang kaawa-awa ang buhay nito. Nauunawaan man o hindi ng taong iyon ang katotohanan, at gaano man ito nagpapasakop sa Diyos, iniisip ng mga tao na hindi dapat isaalang-alang ng Diyos ang mga iyon, kundi dapat Niyang isaalang-alang kung gaano kahabag-habag ang taong iyon, at isaalang-alang na nagdusa na ito ng labis na pasakit, at isaalang-alang na matibay itong kumakapit sa pangarap nito, at gawin itong eksepsyon at payagan itong maligtas—isa itong kuru-kuro ng mga tao. Maraming “mga dapat” ang mga tao at ginagamit nila ang lahat ng “mga dapat” na ito upang tukuyin kung ano ang dapat gawin ng Diyos at upang bigyang-kahulugan ang mga aksyon ng Diyos. Kapag ibinubunyag ng mga katunayan na hindi ginawa ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan, umuusbong ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at umuusbong sa mga tao ang maling pagkaunawa sa Diyos. Kung gayon, maling pagkaunawa lang ba? Umuusbong din mula rito ang pagiging mapaghimagsik ng mga tao. Ito ang mga sakit at kahihinatnan na idinudulot ng mga kuru-kuro sa mga tao.
Ang mga kuru-kuro ang pinagtutuunan ng tinatalakay natin. Sa pamamagitan ng kwentong katatapos lang nating pag-usapan, makikita ng mga tao na gumamit ang bida ng maraming kuru-kuro para sukatin ang lahat ng bagay na pinatnugot ng Diyos, at bilang resulta ng lahat ng nangyari sa bida at ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa kanya, nakakabuo ang mga tao ng maraming kaisipan at hinihingi sa Diyos—na pawang mga kuru-kuro. Sabihin ninyo sa Akin, anong iba pang mga kuru-kuro mayroon ang mga tao? (Iniisip ng mga tao na dahil gumawa na ang Diyos ng gayon kalaking gawain, dapat ay magkamit Siya ng mas maraming tao. Subalit sinasabi ng Diyos na kung kaunti lamang ang makakamit Niyang tao, iyon lang lahat ang makakamit Niya, kaya sa tingin ng mga tao ay ayaw ng Diyos na magkamit ng gayon karaming tao, at kaya tumitigil na lang sila sa paghahangad.) Naaapektuhan ng mga kuru-kuro ang paghahangad ng mga tao. Kailangan itong iwasto. Hindi naman sa ayaw ng Diyos na magkamit ng ganoon karaming tao, gusto Niya naman iyon. May katanungan dito. Kapag tinukoy na ng Diyos sa huli ang kahihinatnan ng mga tao, sa anong batayan sasabihin ng Diyos na hindi na Siya gagawa sa kanila, at sa halip ay susukuan na Niya sila? May pamantayan ang Diyos dito, na isa ring prinsipyo at pangunahing punto. Kung may mga kuru-kuro ka sa pamantayan, prinsipyo, o pangunahing puntong ito, o hindi mo ito nakikita nang malinaw, uusbong sa iyo ang ilang di-pagkakatugma o imahinasyon tungkol sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Masyadong pinagsikapan ng Diyos ang bidang ito pero hindi siya nagbago at hindi niya binitiwan ang kahilingan niya, kundi mas kumapit pa nga siya rito, at hindi siya lumapit sa Diyos, kaya sinukuan siya ng Diyos.” Ito ba ang pangunahing dahilan kaya siya sinukuan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang pangunahing dahilan? Sa bandang huli ng kwentong ito, nang tumanda na ang bida, bagama’t nagbago na ang anyo niya, at tumanda na siya sa paglipas ng mga taon, at nagbago na ang mga panahon, ang hindi nagbago ay ang kahilingan niya, at ang halos malalabong kahibangan niya. Ano ang dahilan ng patuloy na pagkapit niya sa ganoong kahilingan? (Ang kanyang mapagmatigas at mapaghimagsik na disposisyon.) Tama iyan, ang katunayang hindi niya minahal ang katotohanan, hindi niya hinangad ang katotohanan, hindi niya tinanggap ang mga salita ng Diyos, at hindi niya isinagawa ang katotohanan ang siyang nagdulot ng ganitong resulta. Ang mga tiwaling disposisyon niya ng kayabangan, pagiging mapagmatigas, at katigasan ng ulo ang nagsanhing panghawakan niya ang mga kahilingan at mithiin niya, at ang pumigil sa kanyang bitiwan ang mga mithiin niya. Ano ang dahilan nito? Dahil ito sa mga tiwaling disposisyon niya. Kaya, sa tuwing makikita ng Diyos na malapit nang magwakas ang buhay ng isang tao, pero mapagmatigas, mapagmataas, at sutil pa rin ang disposisyon nito, ano ang ibig sabihin nito? Sa takbo ng gawain ng Diyos, bagama’t sa panlabas ay tila sumusunod sa Diyos ang taong ito at ginagampanan niya ang tungkulin niya, hindi niya isinasagawa at nararanasan ang mga salita ng Diyos sa lahat ng ginagawa niya, at sa diwa nito ay wala talaga siyang buhay pagpasok. Kung gayon, talaga bang tumatanggap at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ang mga ganitong tao? (Hindi.) Tama iyan. Sa huli ay nagreresulta ito sa pag-abandona sa kanila ng Diyos. Nagpatuloy sila sa landas nang buong buhay nila, at bagama’t noong buhay sila ay lumapit sila sa Diyos at naunawaan nilang ang Lumikha ang siyang pumatnugot sa lahat ng ito, at ang Lumikha ang nagsasaayos ng tadhana ng mga tao, sa panahong sumunod sila sa Diyos at nakinig sila sa mga salita ng Diyos, hindi kailanman nagbago ang mapagmatigas, mapagmataas, at sutil nilang disposisyon, maging sa pinakawakas, kaya kitang-kita ang resultang ito. Ito ang huling pamantayan ng Diyos—ang prinsipyo ng Diyos—para sukuan ang isang tao. Anuman ang mga pananaw ng mga tao, o anumang pagsusuri ang gawin nila tungkol sa prinsipyo at pamantayang ito ng Diyos, hindi maiimpluwensiyahan ng mga tao ang Diyos at gagawin Niya ang anumang dapat Niyang gawin. Kung hindi ka nakikipag-ugnayan sa taong ito at hindi mo nauunawaan ang pinakatatagong diwa ng taong ito at ang disposisyon niya, kundi isinasaalang-alang mo lamang ang anyo niya, hindi mo kailanman mauunawaan ang prinsipyo at ugat ng mga aksyon ng Diyos, at huhusgahan mo ang mga aksyon ng Diyos at ang paghatol Niya sa taong ito. Tatanungin Ko kayo, bakit magkakaloob ang Diyos ng gayong pagtrato sa ganitong kaawa-awang tao, na dumanas ng lahat ng klase ng pasakit sa buhay, na dumanas ng paghihirap nang buong buhay niya? Bakit siya susukuan ng Diyos? Ayaw makita ninuman ang resultang ito, pero totoo talaga ito at nangyayari. Anong dahilan kung bakit siya tinatrato nang ganito ng Diyos? Kung gumawa ang Diyos sa taong ito nang sampung taon pa, magbabago ba siya, kung ang pagbabatayan ay ang paghahangad, disposisyon at ang landas na tinatahak niya? (Hindi.) Kung gumawa sa kanya ang Diyos nang 50 taon pa at hinayaan siya ng Diyos na mabuhay nang medyo mas matagal pa, magbabago kaya siya? (Hindi.) Bakit hindi siya magbabago? (Dahil itinakda na ng kalikasang diwa niya na isa siyang taong hindi maghahangad sa katotohanan, kaya kahit gaano karaming taon pa siyang manalig sa Diyos, hindi na siya magbabago.) Sino ang makapagsasabi nito sa mas partikular na paraan? (Mali ang landas na tinatahak niya, hindi iyon landas ng paghahangad sa katotohanan. Ibig sabihin, gaano karaming taon man siyang manalig sa Diyos, magiging walang saysay iyon. Kahit pa manalig siya sa Diyos sa loob ng 10 o 20 pang taon, hindi magbabago ang landas na tinatahak niya at ang direksyon ng buhay niya.) Ganoon talaga iyon. May mga kuru-kuro at imahinasyon siya. Hindi niya hinahangad ang katotohanan, o ang pagkaunawa sa katotohanan, o ang pagpasok sa katotohanan. Ang hinahangad lamang niya ay ang magmukha siyang patuloy na sumusunod, pero lubusang walang pagbabago sa diwa niya. Sampu o dalawampung taon na siyang nananalig sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan, o 30 o 50 taon pa nga pero hindi pa rin niya hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman nagbabago ang inihahayag at ipinamumuhay niya. Itinatakda ito ng kalikasang diwa niya, at ito lang talaga ang uri ng disposisyon niya. Hindi ito nagbago kailanman, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya sa Diyos ay hindi kailanman nagbago. Kung gayon, may mga prinsipyo ba ang Diyos sa pakikitungo sa ganitong tao? Oo naman. Palaging nagkukunwari ang mga tao na mabuti sila, inaakalang mapagparaya at dakila sila. Pero ang pagpaparaya mo ba ay kasingdakila ng sa Diyos? Ang pag-ibig mo ba ay kasingdakila ng sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano nga ba ang pagpaparaya ng Diyos? Paano mo masasabing mapagparaya at mapagmahal ang Diyos? Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan na kapaki-pakinabang sa mga tao para dalhin sila sa harapan Niya, para magawa silang pakinggan at maunawaan ang Kanyang mga salita, at para magawa silang tahakin ang buhay at magsagawa sa paraang hinihingi Niya. Subalit hindi tumatanggap ang taong iyon, kundi matibay itong kumakapit sa sarili nitong mga pananaw hanggang sa pinakawakas. Kapag nagkagayon, sinusukuan na lang ba ng Diyos ang taong ito sa panahon ng pagdanas nito sa buhay? (Hindi.) Hindi sumusuko ang Diyos. Sa bawat yugto ng buhay ng taong ito, sa lahat ng ginagawa ng Diyos para dito at sa bawat hinihingi ng Diyos na maranasan nito, seryosong inaako ng Diyos ang responsabilidad hanggang sa pinakawakas. Ano ang layunin ng Diyos sa pag-ako sa responsabilidad hanggang sa pinakawakas? Ito ay ang makakita ng magandang resulta, ang makakita ng resulta na kasiya-siya at katanggap-tanggap sa taong iyon, para matamasa nito ang tunay na kaligayahang hinihiling nito—ito ang pagpaparaya ng Diyos. Subalit ano ang resultang nakikita ng Diyos sa huli? Nakikita ba ng Diyos ang resultang gusto Niyang makita sa huli? (Hindi.) Hindi Niya ito nakikita, wala nang pag-asang natatanaw. Ano ang kahulugan kapag wala nang nakikitang pag-asa ang Diyos? Ibig sabihin ay wala nang maaasahan pa ang Diyos sa taong ito. Sa pantaong pananalita, dismayado Siya. Kung may kaunti pang pag-asa, hindi susuko ang Diyos. Ito ang pagpaparaya at pagmamahal ng Diyos. Praktikal na nagpaparaya at nagmamahal sa mga tao ang Diyos, sa halip na nagsasabi lang ng mga hungkag na salita. Sa huli, ang nakikita lang ng Diyos sa taong ito ay na hindi nagbago ang tiwaling disposisyon nito, matigas pa rin ang ulo nito, at nananatili pa rin sa kaibuturan ng puso nito ang kahilingan nito. Bagama’t gusto ng taong ito na pagpalain siya, kapag lumalapit siya sa Diyos, wala naman siyang binibitiwan. Sa halip, habambuhay niyang pinanghahawakan, at kinakapitan, at mahigpit na sinusunggaban ang mumunting hiling niyang ito. Sa panlabas, ipinagkakatiwala ng taong ito ang sarili niya sa Diyos, at ibinibigay niya ang buhay niya at ang lahat ng kamag-anak niya sa Diyos. Pero ano ang realidad? Gusto niyang siya mismo ang mangasiwa, na siya ang mangasiwa sa mga taong nakapaligid sa kanya, ang mangasiwa sa kanyang mga kamag-anak, at ang mangasiwa sa kanyang sarili, at dagdag pa rito, gusto niyang umasa sila sa isa’t isa—hindi talaga niya ipinagkakatiwala ang lahat ng ito sa Diyos. Kahit saan mo pa ito tingnan, ang landas na tinatahak ng taong ito ay hindi pagsunod sa Diyos, ni sadyang pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi talaga niya tinatahak ang landas ng pagsunod sa Diyos. Napakarami na niyang pinagdusahan at naranasang pambihirang bagay sa buhay, pero hindi pa rin ito nakapagsanhing abandonahin niya ang maganda at masayang imahe ng buhay na pinapangarap niya, ni magnilay sa anumang paraan. Anong klaseng tao ito? Masyadong mapagmatigas ang mga ganitong tao. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at hindi nila susundan ang tamang landas sa buhay, ito na ang pangwakas na resulta. Sa huli, ang ginawa ng Diyos ay ang lahat na ng puwede Niyang gawin. Lumampas na ito sa mga imahinasyon ng mga tao at higit na sa maaabot nila. Sobra na ang ibinigay ng Diyos sa mga tao. Batay sa katiwalian ng mga tao, sa disposisyon nila, at sa saloobin nila sa Diyos, hindi sila karapat-dapat sa mga bagay na ito, at hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapalang ito. Pero sumusuko ba ang Diyos? Maraming ginagawa ang Diyos bago Siya sumuko. Walang tigil na ipinagkakaloob ng Diyos ang pag-ibig, awa, biyaya at mga pagpapala Niya sa mga tao. Pero pagkatapos nilang matanggap ang mga ito mula sa Diyos, ano ang saloobing isinusukli nila? Umiiwas at lumalayo pa rin sila sa Diyos, at sa loob-loob nila ay madalas na pinagdududahan ang Diyos, nagbabantay laban sa Kanya, sumasalungat sa Kanya, at sumusuko. Bakit palaging nagnanais ang taong ito na umasa sa iba para maging masaya ang buhay niya? Hindi niya magawang manalig sa Diyos. Hindi siya nananalig na maaakay ng Diyos ang mga tao papunta sa tamang landas at na mapasasaya sila ng Diyos. Pakiramdam niya lagi ay tama ang sarili niyang landas. Kung natulungan at naakay lang sana siya ng Diyos para matupad niya ang mga mithiin niya ayon sa landas na pinili niya at mga hinihingi niya, tumanggap at nagpasakop sana siya. Gayunpaman, ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan para pabalikin ang mga tao sa Kanya, para matanggap nila ang katotohanan at makapamuhay sila ng makabuluhang buhay, subalit taliwas ito sa mga kuru-kuro ng taong iyon. Kaya gusto niyang gawin na lang ang gusto niya at mamuhay ayon sa gusto niya. Iniisip niyang kailangan lang niyang umasa sa sarili niya at sa iba, at na hindi niya makakamit ang mga mithiin niya kung aasa siya sa Diyos. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at kumakapit lang sila sa mga kuru-kuro nila, palayo lang sila nang palayo sa Diyos. Tanging ang mga nakakakita lamang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at ang mga nakakakitang ang mga tao ay sukdulang tiwali at nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos, at ang mga nakakakitang ang lahat lang ng ginagawa ng Diyos ang katotohanan, at na ang lahat ng iyon ay alang-alang sa pagliligtas sa sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas at alang-alang sa pagdadala sa sangkatauhan sa magandang destinasyon—ang mga gayong tao lang ang makatitingala sa Diyos, makaaasa sa Kanya, makasusunod sa Kanya hanggang sa wakas, at ang hindi Siya kailanman iiwan.
Ang katatapos lang natin pagbahaginan ay ang saloobin ng Diyos sa tao, at gayundin ang iba’t ibang paraan na gumagawa ang Diyos sa gitna ng mga tao at sa mga tao. Kung nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao sa mga ito, dapat nilang madalas na suriin, pagnilayan, unawain, at pagkatapos ay baguhin ang sarili nila. Ano ang silbi ng pagbago ng isang tao sa sarili niya? Kung napagtatanto ng mga tao na ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon, at napagtatanto nila kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay, magkakaroon pa rin ba sila ng ilang mas mali at mas baluktot pang kuru-kuro tungkol sa Diyos? Posible pa rin, dahil mapaghimagsik ang mga tao at may mga aktibo silang kaisipan, kaya malamang ay magkakaroon sila ng lahat ng uri ng iba’t ibang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Nagpapausbong ang isang kuru-kuro ng isa pa, na nagpapausbong naman ng iba pang mga kuru-kuro, at tuloy-tuloy na lumilitaw ang lahat ng klase ng kuru-kuro. Kasabay ng pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro sa Diyos, patuloy ring hindi naiintindihan ng mga tao ang Diyos, at nagninilay sila, at pagkatapos ay patuloy din nilang inuunawa ang katotohanan, at sa ganitong proseso ay unti-unti nilang nakikilala ang Diyos. Ano ang dahilan kung bakit hindi makamit ng mga tao ang pagkakilala sa Diyos? Hindi kasi nila alam kung ano ang mga kuru-kuro, at hindi nila nababatid ang mga kuru-kurong nasa loob nila, ni pinagninilayan ang mga iyon, o binibitiwan ang mga iyon kailanman. Pinagtutuunan lamang nila ang pagkapit sa mga iyon, at hindi sila kailanman nagsisikap na matutuhan o maunawaan kung paano gumagawa ang Diyos, o kung ano ba ang diwa ng gawain ng Diyos. Dahil dito, bukod sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, may isang bagay pang nagiging hadlang sa pagitan ng Diyos at ng tao, na nakakaapekto rin sa kaligtasan ng mga tao. Samakatuwid, habang iwinawasto ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon nila, kailangan nilang magkamit ng mas pino at detalyadong pagkaunawa sa kung ano ba ang mga kuru-kuro ng tao. Ano ang layunin ng pag-unawa at paglutas sa mga kuru-kuro ng tao? Para bitiwan ba ang mga iyon? Iyon ay para makapasok nang mabilis ang mga tao sa katotohanang realidad, para maunawaan nila kung ano ba talaga ang gusto ng Diyos na pasukin ng mga tao, at maunawaan nila kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay. Kung ginawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang ayon sa iniisip mo, magiging epektibo ba ang paggawa ng Diyos sa iyo? Hindi, hindi ito mangyayari. Halimbawa, may ilang bagay na hindi kailanman binibigyang-liwanag ng Diyos sa iyo. Sa halip, nagtatakda Siya ng mga hayagang kondisyon kung paano gagawin ang mga iyon, at kailangan mo lang sundin at gawin ang mga iyon. Subalit palagi kang naghihintay na antigin at bigyang-liwanag ka ng Diyos, at dahil dito, naaantala ng paghihintay na ito ang gawain, hindi mo natutupad nang maayos ang tungkulin mo, at sa huli ay napapalitan ka. Ano ang dahilan nito? (Ang mga kuru-kuro.) Kung pagbabatayan ito, naaapektuhan ba ng mga kuru-kuro ng mga tao ang pagpasok nila? (Oo.) Hanggang sa anong antas ito naaapektuhan ng mga iyon? Sa pinakakaunti, naaapektuhan ng mga iyon ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa realidad; sa pinakamalala naman, naaapektuhan ng mga iyon ang tamang pagpili ng mga tao at madali silang naaakay ng mga iyon na tahakin ang maling landas. Malamang na maunawaan nang mali ng mga tao ang Diyos kapag may mga kuru-kuro sila. Halimbawa, pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos ang mga tao para magkamit ng mga positibong resulta, nang sa gayon ay magkamit ng mas mabuting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nila at tunay silang magsisi. Gayunpaman, iniisip ng mga tao na sinasadya silang salungatin ng Diyos, at sadyang gusto Niyang ibunyag at itiwalag sila. Ano man ang sinasabi o ginagawa ng Diyos, lagi nilang iniisip ang pinakamasama tungkol sa Kanya, at naniniwala silang hindi sila iniibig ng Diyos, at itinuturing pa nga nilang mga hangal ang mga nagsasagawa ng katotohanan. Ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang tamang landas at hinahayaan Niya silang isagawa ang katotohanan at mamuhay sa liwanag, pero sa halip ay mas pinipili nilang mamuhay sa kadiliman nang ayon sa mga satanikong pilosopiya at lohika. Kaya, ang landas na tinatahak nila ay hindi ang landas ng kaligtasan. Kung ipipilit mo ang pagsalungat sa Diyos, hindi ba’t palayo ka na nang palayo sa gawain ng Diyos? Habang palayo ka nang palayo sa landas ng kaligtasan, lubos ka nang ititiwalag. May kasabihan sa Bibliya na: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa” (Kawikaan 10:21). Seryosong bagay ba ang kamatayan? Sa konteksto ng mga huling araw, ang magtapos ang buhay ay hindi seryosong bagay, subalit ang mamatay ay seryoso. Ang magtapos ang buhay ay hindi nangangahulugang mamatay, samantalang ang mamatay ay talagang nangangahulugang wala nang kalalabasan—ito ay ang maging patay magpakailanman. Dati, sinasabi na maaaring magtapos ang buhay ng mga tao dahil sa kahangalan. Pero sa kasalukuyan, hindi malaking bagay ang kahangalan. Sino ba ang hindi gumagawa ng mga kahangalan? Hindi rin malaking bagay ang magtapos ang buhay, dahil hindi naman ito talaga nangangahulugan na mamatay. Kung ganoon, bakit namamatay ang mga tao? Namamatay ang mga tao dahil sa katigasan ng ulo at kasutilan nila, na mas seryoso pa kaysa sa magtapos ang buhay dahil sa kahangalan, dahil walang kalalabasan. Bakit Ko sinasabing ang katigasan ng ulo at kasutilan ay maaaring magdulot sa tao na mamatay? May kinalaman ito sa isyu ng landas na tinatahak ng mga tao. Anong uri ba ng disposisyon ang katigasan ng ulo? Ito ay pagiging mapagmatigas. Sobrang nakagugulo ang pagkakaroon ng mapagmatigas na disposisyon. Minsan, hindi nakauunawa ang mga tao at gusto lang nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, samantalang minsan naman ay nakauunawa sila pero gusto pa rin nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, nang hindi sinusunod ang mga hinihingi ng Diyos. Bukod pa rito, isang uri din ng disposisyon ang kasutilan—na ang ibig sabihin ay hindi tinatablan ng katwiran—at kinasasangkutan ito ng pagmamataas at kabangisan. Kapag hindi nagbago ang dalawang disposisyong ito, maaaring magsanhi ito kalaunan na mamatay ang isang tao. Simpleng bagay ba ito? Magagamit ba ninyo ito sa inyong sarili? Dapat maunawaan ninyo kung ano ang maidudulot ng mapagmataas at mabagsik na disposisyon na gawin ng mga tao. Ang lahat ng ginagawa ng mga tao, kahit na sino pa sila, ay ginagawa sa harap ng Diyos, ng Lumikha, at hahatulan ng Diyos ang mga tao ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya, para sa mga taong may mapagmataas at mabagsik na disposisyon, ano ang mga kahihinatnan ng mga pinaggagagawa nila? Bakit masasabing hindi na mababawi pa ang mga kahihinatnang ito? Dapat ninyong maintindihang lahat ito, hindi ba? Sige, wala na tayong sasabihin pa tungkol sa mga kuru-kuro na sangkot sa kwentong ito.
Tungkol naman sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, may iba pa ba kayong naiisip na hindi pa natin napag-usapan? Iyon lamang bang mga kuru-kurong narinig ninyo ngayon ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Kung pag-uusapan natin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagpupungos, at pati na rin ang pagbubunyag at pagpeperpekto sa mga tao, saang nilalaman ito may kaugnayan? Anong klaseng mga tao ang pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos? Anong klaseng mga tao ang humaharap sa mga pagsubok at sa pagpipino? Sa paggawa ng mga trabahong ito at paggamit ng mga paraang ito para gumawa sa mga tao, may prinsipyo at saklaw ang Diyos, na nakabatay sa tayog, paghahangad, at pagkatao ng mga tao, at sa antas na nauunawaan nila ang katotohanan—hindi Ko na ito tatalakayin nang detalyado ngayon. Bilang pagbubuod, pinupungusan at dinidisiplina ng Diyos ang mga tao, hinahatulan at kinakastigo Niya sila, at isinasailalim Niya sila sa mga pagsubok at sa pagpipino—gumagawa ang Diyos sa mga tao ayon sa ilang hakbanging ito. Ang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa tao at sa kung anong hakbang ginagawa ang gawain ay nakabatay sa tayog ng isang tao. Marahil tila hungkag para sa inyong lahat ang salitang “tayog”. Pangunahin itong sinusukat batay sa antas na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kung normal ba ang relasyon niya at ng Diyos, at nakabatay rin ito sa antas ng pagpapasakop niya sa Diyos. Kung kikilalanin natin ang pagkakaiba batay dito, karamihan ba sa mga tao ngayon ay humarap na sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino? Para sa ilang tao, marahil ay maaga pa para sa mga hakbanging ito, nakikita nila ang mga iyon pero hindi nila maabot ang mga iyon, samantalang para sa iba naman, medyo nakakatakot na makita iyon. Sa madaling salita, ang mga paraang ito ang mga hakbangin na ginagamit ng Diyos para iligtas ang mga tao at gawin silang perpekto, at itinatakda ng Diyos ang ilang hakbanging ito batay sa tumpak na kahulugan ng lahat ng iba’t ibang aspekto ng isang tao. Walang padalos-dalos sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain nang hakbang-hakbang at sa paraang may prinsipyo. Tinitingnan Niya ang paghahangad at pagkatao mo, pati na rin ang kakayahan mong makaunawa, at ang saloobin mo sa pakikitungo mo sa lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay sa pang-araw-araw mong buhay, at iba pa. Batay sa mga ito, itinatakda Niya kung paano gagawa sa mga tao at kung paano sila gagabayan. Kailangan ng Diyos ng panahon para obserbahan ang isang tao. Hindi Siya humahatol nang walang ingat batay sa isa o dalawang bagay—hindi nag-aapura nang ganyan ang Diyos sa bawat bagay na ginagawa Niya sa sinumang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Natatakot ako sa paraan na sinubok ng Diyos si Job. Kung talagang mangyayari iyon sa akin, hindi ako makapagpapatotoo sa Diyos. Paano kung talagang ipagkait sa akin ng Diyos ang lahat ng bagay katulad niyon? Anong gagawin ko?” Huwag kang mag-alala, hindi kailanman padalos-dalos na gagawa ang Diyos sa iyo, hindi mo kailangang matakot. Bakit hindi mo kailangang matakot? Bago ka matakot, dapat mo munang kumbinsihin ang sarili mo sa isang katunayan, at isaalang-alang ang tayog mo. Taglay mo ba ang pananampalataya, pagpapasakop, at pagkatakot ni Job sa Diyos? Taglay mo ba ang antas ng pagkamatapat at ganap na pagsunod ni Job sa daan ng Diyos? Sukatin mo ang mga ito, at kung wala ka naman ng mga ito, makakatiyak ka na hindi ka isasailalim ng Diyos sa mga pagsubok at sa pagpipino, dahil ang tayog mo ay kulang at malayung-malayo. May ilan ding kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao—pati na rin paghihinala, takot, o pag-iwas at pag-iingat—sa mga pagsubok at pagpipino ng Diyos. Kapag nakapagkamit na ng ganap na pagkaunawa ang mga tao sa mga bagay na ito at kung paano gumagawa ang Diyos, unti-unti nang maglalaho ang mga kuru-kuro nila sa gawain ng Diyos, at pagtutuunan na nila ang paghahangad sa katotohanan at ang pagsisikap sa mga salita ng Diyos. Ang layunin Niya sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para makamit ang mithiing ito. Sa pagsunod sa Diyos, dapat mong maunawaan kung paano gumagawa at nagliligtas ang Diyos sa mga tao. Kung isa ka talagang taong naghahangad sa katotohanan, humayo ka at gawin mo ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Huwag mong tingnan ang Diyos nang may maling pananaw, at huwag mong gamitin ang makitid mong isip para arukin ang kaisipan ng Diyos. Kailangan mong maunawaan kung ano ba talaga ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, kung ano ba ang mga prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, kung hanggang sa anong antas ba gumagawa ang Diyos sa isang tao, at kung ano ba ang pamantayan ng pagsukat ng Diyos. Kapag nauunawaan mo na ang mga ito, ano na ang dapat mong sunod na gawin? Ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang bitiwan mo ang paghahangad mo sa katotohanan, at hindi rin Niya gustong makita ang saloobin ng isang taong tinatanggap na na wala na itong pag-asa. Gusto Niyang makita na kapag naunawaan mo na ang lahat ng katunayang ito ay mahahangad mo na ang katotohanan sa mas matatag, matapang at panatag na paraan, na malinaw mong kikilalanin na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Kapag narating mo na ang dulo, basta’t naabot mo na ang pamantayang itinakda ng Diyos sa iyo, at nasa landas ka ng kaligtasan, hindi ka susukuan ng Diyos. Hanggang diyan muna sa ngayon ang sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at pagpupungos. Napakarami pa ring detalyadong aspekto, at masyado itong marami para malinaw na ipaliwanag sa maikling pag-uusap na ito. Kakailanganing magbigay ng ilang halimbawa kung paano ipinamamalas at ipinapakita ng mga tao ang mga kuru-kurong ito sa pang-araw-araw na buhay, at kakailanganin ding magkuwento ng maiikling istorya at magsama ng ilang simpleng tauhan at takbo ng pangyayari, para maunawaan o maipaliwanag ninyo ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng mga halimbawang ito mula sa totoong buhay, para matanto ninyo na ang mga ito ay mga kuru-kurong salungat sa realidad, at lubusang taliwas sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos. Ni hindi nga iyon ginagawa ng Diyos, kaya bakit patuloy kang nag-iisip at naghahaka-haka nang walang batayan? Kung palagi kang mamumuhay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi mo kailanman susundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at palagi kang magiging malayo sa mga hinihingi ng Diyos. Kung magpapatuloy ka nang ganito, wala kang magiging landas ng pagsasagawa at lagi kang mapasasailalim sa mga limitasyon. Saan ka man pumunta, laging magkakaroon ng hadlang, at malilito ka kung ano ba ang dapat mong gawin, at walang anuman ang magiging maayos. Bilang resulta, sa huli ay ni hindi ka man lang magiging karapat-dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Talagang nakakalungkot iyon!
Pagdating sa pananalig sa Diyos, walang naging masigasig sa inyo dati. Ngayon na ang panahon para maging masigasig, dahil kritikal na ang panahong ito! Nauubos na ang oras, kaya huwag ninyong ituring na puwedeng paglaruan ang pananalig sa Diyos. Nagpasya na ang Diyos na gawing ganap at iligtas ang mga tao, at gusto Niyang masinsinang kumpletuhin ang gawaing ito. Paano Niya ito ginagawa nang masinsinan? Sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga tao ng lahat ng aspekto ng katotohanan, para malinaw nila itong maunawaan at hindi sila maligaw. Didisiplinahin ka ng Diyos kapag naliligaw ka. Kung madalas kang maligaw papunta sa sarili mong landas, patuloy kang didisiplinahin ng Diyos hanggang sa bumalik ka sa tamang landas. Sa huli, kapag nagawa na ng Diyos ang lahat ng makakaya Niya at hindi mo pa rin natugunan ang mga hinihingi Niya, sino pa ba ang masisisi? Sarili mo lang ang masisisi mo. Sa panahong iyon, wala nang ibang magagawa ang mga tao kundi hampasin ang kanilang dibdib at mapait na tumangis. Ano ba ang pinakamahalagang bagay pagdating sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan? Kailangan nilang tanggapin ang katotohanan at, pagkatapos itong tanggapin, magawang hanapin ang katotohanan at iugnay ito sa pang-araw-araw nilang buhay. Sa ganitong paraan lamang unti-unting matatamo ng mga tao ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag nakinig ka sa mga sermon at nagkamit ka ng literal na pagkaunawa sa mga iyon, akala mo ay nauunawaan mo na—hindi ito talaga pagkaunawa sa katotohanan. Pagkaunawa lamang ito sa doktrina. Kapag naunawaan mo na iyon habang nakikinig ka, dapat mo itong iugnay sa tunay na buhay sa iyong sariling kalagayan at pagpasok, para makilala mo ang sarili mo at maisagawa mo ang katotohanan. Saka lamang iyon mangangahulugan na pumapasok ka na sa katotohanang realidad. Kung hindi ka magsasagawa sa ganitong paraan, walang kinalaman ang katotohanan sa iyo, walang kinalaman ang mga salita ng Diyos sa iyo, kaya wala ring kinalaman ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, wala kang makakamit!
Oktubre 11, 2018