d. Bakit mabibigo ang tao na makuha ang buhay na walang hanggan kung itataguyod at sasambahin nila ang Bibliya

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).

“Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ‘di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon ay hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, kaya bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng nakalipas. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung ginagamit mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon hanggang ngayon, ikaw ay nagiging isang arkeologo, at isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo. Iyon ay sapagkat palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, naniniwala lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong nakalipas na mga panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi ka naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi ka naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Kaya hindi maikakailang nangangarap ka nang gising na ganap nang wala na sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon ay isa kang walang pag-asang piraso ng tuyong kahoy,[a] dahil masyado kang makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng katwiran!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”


Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magbigay-kahulugan sa Bibliya ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ang dahilan kaya kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na salita at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, kaya nagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Bibliya, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Bibliya. At bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan ay matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat maykaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga salita, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano ang mga ito sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Makakamit Ba Natin ang Buhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya sa Biblia?

Kaugnay na mga Himno

Ang Diyos Mismo ay ang Katotohanan at ang Buhay

Si Cristo ng Mga Huling Araw ay Naghahatid ng Daan ng Walang-Hanggang Buhay

Ang mga Kahihinatnan ng Pagtanggi kay Cristo ng mga Huling Araw

Sinundan: c. Iniisip ng relihiyosong mundo na ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa Bibliya, at ang paglisan sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Diyos; mali ang pagkaunawang ito

Sumunod: e. Paano nabuo ang Bibliya, at kung ang gawain ng Diyos ba ang nauna o ang Bibliya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 3: Simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, Kapatid na Zhang, Kapatid na Xu, simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, mas lalong kinokondena ng mga pastor at elder ng relihiyon ang Makapangyarihang Diyos, ginagawa nila ang lahat para hadlangan tayo sa pag-aaral ng totoong daan. Hindi ito naiba sa pagkalaban at pagkondena noon ng mga Judiong Fariseo sa Panginoong Jesus! Nag-iisip-isip ako nitong, bakit dalawang beses na nagpakita ang Diyos sa katawang-tao para gumawa at makalawang nakaharap ang pagkondena at pang-uusig ng lahat ng relihiyon at ng gobyernong ateista? Sa mga huling araw, nagpapakita at gumagawa ang Makapangyarihang Diyos para lamang ipahayag ang katotohanan, sa pagsasalita at paggawa para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Bakit matindi ang galit kay Cristo ng mga relihiyon at ng gobyernong Komunista ng Tsina? na pinakikilos pa nila ang media corp at sandatahang puwersa ng pulisya para ikondena, lapastanganin, hulihin at patayin si Cristo? Dahil dito naaalala ko noong narinig ni Haring Herodes na ang Hari ng mga Judio, o ang Panginoong Jesus ay isinilang, ipinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bet-lehem na wala pang dalawang taong gulang. Mas gugustuhin niyang ipapatay ang libu-libong inosenteng mga sanggol kaysa hayaang mabuhay si Cristo. Noong dumating ang Diyos sa katawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan, bakit hindi tinanggap ng mga relihiyon at gobyerno ang Kanyang pagdating kundi galit na galit na kinondena at nilapastangan ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Bakit inubos niya ang kabuhayan ng buong bansa para lang maipako sa krus si Cristo? Bakit napakasama ng sangkatauhan at matindi ang galit laban sa Diyos?

Sagot: Ang tanong na ito ay napakahalaga, at iilan lamang sa buong sangkatauhan ang makauunawa dito nang lubusan! Ang dahilan ng matinding...

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito