8. Ang Maling Paniniwala ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Lahat ng Pahayag na Nagbalik na ang Panginoon ay Huwad at Hindi Maaaring Paniwalaan”
Ayon sa mga salitang ito sa Bibliya, “Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36), iniisip ng mundo ng relihiyon na dahil walang nakakaalam kung anong araw paparito ang Panginoon, huwad ang lahat ng pahayag na nagbalik na ang Panginoon, at hindi dapat paniwalaan.
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Narito, Ako’y madaling pumaparito; at ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa” (Pahayag 22:12).
“Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon” (Juan 14:2–3).
“Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo” (Pahayag 3:3).
“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44).
“Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).
“At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’” (Mateo 25:6).
“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).
“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).
“Sinabi nga sa kanya ng ibang mga alagad, ‘Nakita namin ang Panginoon.’ Ngunit sinabi niya sa kanila, ‘Malibang aking makita sa Kanyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa Kanyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.’ At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas: pagkaraan ay dumating si Jesus, nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, ‘Kapayapaan ang sumainyo.’ Nang magkagayon ay sinabi Niya kay Tomas, ‘Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang maging walang pananalig, kundi mapanampalatayahin.’ Sumagot si Tomas, at sa Kaniya ay sinabi, ‘Panginoon ko at Diyos ko.’ Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya” (Juan 20:25–29).
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok” (Mateo 23:13).
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili” (Mateo 23:15).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
May isang alagad na ang pangalan ay Tomas na nagpumilit na mahawakan ang mga bakas ng pako kay Jesus. At ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya? (“Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).) “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ano talaga ang ibig sabihin nito? Wala ba talaga silang nakita? Ang totoo, ang lahat ng bagay na sinabi ni Jesus at ang lahat ng gawain na ginawa Niya ay nagpatunay na na si Jesus ay ang Diyos, kaya dapat pinaniwalaan ito ng mga tao. Hindi kailangan ni Jesus na gumawa ng mas marami pang mga tanda at himala o magsalita ng mas marami pang salita, at hindi kailangan ng mga tao na masalat ang mga bakas ng pako sa Kanya upang maniwala. Ang tunay na pananampalataya ay hindi umaasa sa nakikita, kundi sa halip, kasama ng espirituwal na pagpapatibay, ang pananalig ay pinanghahawakan hanggang sa pinakawakas at nang walang anumang pag-aalinlangan kahit kailan. Si Tomas ay isang hindi mananampalataya na umasa lamang sa nakikita. Huwag kang maging gaya ni Tomas.
Ang mga taong gaya ni Tomas ay totoong umiiral sa iglesia. Patuloy nilang pinagdududahan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hinihintay nilang umalis ang Diyos sa mundo, bumalik sa ikatlong langit, at na makita ang tunay na pagkatao ng Diyos upang maniwala sa wakas. Hindi sila naniniwala sa Kanya dahil sa mga salitang binigkas Niya noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagdating ng oras na ang ganitong uri ng tao ay manalig, magiging huling-huli na ang lahat, at iyan ang oras na sila ay kokondenahin na ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na siya ay kinondena na ng Panginoong Jesus at na siya ay isang hindi mananampalataya. Kung tunay kang nananalig sa Panginoon at sa lahat ng sinabi Niya, ikaw ay pagpapalain. Kung matagal ka nang sumusunod sa Panginoon ngunit hindi naniniwala sa Kanyang kakayahan na muling mabuhay, o na Siya ang makapangyarihang Diyos, wala kang tunay na pananampalataya at hindi mo magagawang magtamo ng mga pagpapala. Tanging sa pamamagitan lang ng pananampalataya matatamo ang mga pagpapala, at kung hindi ka nananalig, hindi mo matatamo ang mga ito. Ikaw ba ay may kakayahan lamang na manalig sa anumang bagay kung ang Diyos ay magpapakita sa iyo, hahayaan kang makita Siya, at kukumbinsihin ka nang harapan? Bilang isang tao, paano ka naging kuwalipikado na hilingin sa Diyos na magpakita Siya sa iyo nang personal? Paano ka naging kuwalipikado na gawin Siyang mangusap sa isang tiwaling tao na gaya ng sarili mo? Bilang karagdagan, paano ka naging kuwalipikado na kailanganin Niyang ipaliwanag sa iyo nang malinaw ang lahat ng bagay bago ka mananalig? Kung may taglay kang katwiran, mananalig ka na pagkabasa mo pa lamang sa mga salitang ito na binigkas Niya. Kung tunay kang nananalig, hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa Niya o kung ano ang sinasabi Niya. Sa halip, pagkakita mo na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, ikaw ay isandaang porsiyentong magiging kumbinsido na ang mga ito ay sinabi ng Diyos at na ginawa Niya ang mga bagay na ito, at ikaw ay magiging handa nang sumunod sa Kanya hanggang sa wakas. Hindi mo ito kailangang pag-alinlanganan. Ang mga taong punong-puno ng pag-aalinlangan ay napakamapanlinlang. Hindi sila basta lang makakapanalig sa Diyos. Palagi nilang sinusubukang intindihin ang mga hiwagang iyon, at mananalig lang sila kapag lubusan na nilang nauunawaan ang mga iyon. Ang kanilang paunang kondisyon sa pananalig sa Diyos ay ang magkaroon ng mga malinaw na sagot sa mga tanong na ito: Paano pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao? Kailan Siya dumating? Gaano Siya katagal mamamalagi bago Niya kailangang umalis? Saan Siya pupunta pagkaalis Niya? Ano ang proseso ng Kanyang pag-alis? Paano gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at paano Siya umaalis? … Nais nilang maintindihan ang ilang hiwaga; sila ay naririto upang imbestigahan ang mga ito, hindi upang hanapin ang katotohanan. Iniisip nilang hindi nila magagawang manalig sa Diyos maliban na lang kung mauunawaan nila ang mga hiwagang ito; tila ba ang kanilang pananalig ay naharangan. Problematiko na nagkikimkim ang mga tao ng ganitong pananaw. Sa sandaling mayroon silang pagnanais na saliksikin ang mga hiwaga, hindi sila nag-aabalang pagtuunan ng pansin ang katotohanan o pakinggan ang mga salita ng Diyos. Maaari kayang makilala ng gayong mga tao ang kanilang sarili? Ang makilala ang kanilang sarili ay hindi madali para sa kanila. Hindi ito upang kondenahin ang isang uri ng tao. Kung hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan at hindi siya naniniwala sa mga salita ng Diyos, wala siyang tunay na pananampalataya. Itutuon lamang niya ang kanyang pansin sa pagbusisi sa ilang salita, hiwaga, maliliit na bagay, o mga problemang hindi napansin ng mga tao. Ngunit posible rin na isang araw ay bibigyan siya ng kaliwanagan ng Diyos, o tutulungan siya ng mga kapatid sa pamamagitan ng palagiang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at siya ay magbabago. Sa araw na mangyari ito, mararamdaman niyang ang mga dati niyang pananaw ay labis na hindi makatwiran, na siya ay labis na mayabang at masyadong mataas ang tingin niya sa kanyang sarili, at mahihiya siya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago
Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na pinag-aaralan ang Bibliya, teolohiya, at maging ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng sa mga nag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya. Hindi nga lang nila gusto ang siyensya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Ano ang kinalalabasan ng paghahanap nila sa mga bahagi ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil nabubuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inuuri ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa diumano ay komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang nilikha ng Diyos ang mundo at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananampalataya. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang ipinangangaral ang bagong pangalan ng Diyos at ang bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagkat kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Ngayon, nakagawa na ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila kakaiba ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magtamo ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na matapat ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi kong “ngayon, nakagawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinamumuhian mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.
Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na identidad? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Pariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila masinsinang tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Pariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsibilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspeto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa inyo, at dalhin kayong mga hindi nakakilala o nakakita sa Kanya kailanman, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mas praktikal na mga bagay!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay galing sa pag-iisip at kuru-kuro, ang inyong mga pagsusumikap ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, kaya nga paano kayo kailangang manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano matakot kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilihis ng tao. Ang alam mo lamang ay kondenahin ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong pagpapasakop? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong saloobin na hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o kinokondena ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kwalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging makatwiran at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Kaugnay na mga Himno
Maging Isang Tao na Tumatanggap sa Katotohanan
Ang Inyong Saloobin sa Katotohanan ay Mahalaga
Ang mga Hindi Tumatanggap Kay Cristo ng mga Huling Araw ay mga Lumalapastangan sa Banal na Espiritu