4. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, ang mga Tao ay Direktang Dadalhin sa Mga Ulap at Makikita Siya sa Langit”

Batay sa mga salita ng Panginoong Jesus, “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon(Juan 14:2–3), at sa mga salitang ito ni Pablo mula sa Bibliya, “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay titipuning kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailanman” (1 Tesalonica 4:17), naniniwala ang mundo ng relihiyon na sa pagbabalik ng Panginoon, sila ay dadalhin diretso sa mga ulap, at makakatagpo nila Siya sa kalangitan.

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27).

“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

“Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’” (Mateo 25:6).

“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).

“Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang Iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:9–10).

“Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan Niya, at ang Diyos din ay sasakanila, at magiging Diyos nila” (Pahayag 21:3).

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo: at Siya’y maghahari magpakailan-kailanman” (Pahayag 11:15).

“At ako’y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. …

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Dumating Siya una sa lahat para ipahayag ang Kanyang mga salita, gumamit Siya ng mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at liwanagan ang tao, at alisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Hindi ito ang yugto ng gawaing ginawa ni Jesus nang Siya ay pumarito. Nang pumarito si Jesus, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Bunga nito, sa mga haka-haka ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalisan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga haka-haka ng tao, kaya wala na ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na mga salita at aktwal na gawain, ang Kanyang paggalaw sa lahat ng lupain, at ang natatanging tunay at normal na gawaing ginagawa Niya sa tao, ipinapaalam Niya sa tao ang realidad ng Diyos, at inaalisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Sa mga huling araw, sa pagkakatawang-tao ng Diyos, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at gawing malinaw ang lahat. Sa Kanyang mga salita mo lamang makikita kung ano Siya; sa Kanyang mga salita mo lamang makikita na Siya ang Diyos Mismo. Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, upang pahintulutan ang tao na mamasdan ang Kanyang lakas at kataas-taasang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, upang pahintulutan ang tao na makita sa Kanyang mga salita kung paano Niya mapagkumbabang ikinukubli ang Kanyang Sarili, at upang pahintulutan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita. Ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming paraan kung paano winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita. Karamihan sa gawain ng Diyos sa buong panahong ito ay pagtutustos, paghahayag at pakikitungo sa tao. Hindi Niya sinusumpa ang isang tao nang babahagya, at kahit na ginagawa pa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging tao, huwag mong subukang makita ang Diyos na muling nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, at itigil mo ang palagiang paghahanap ng mga tanda—wala itong saysay! Hindi magagawang perpekto ang tao ng mga tandang iyon! Sa malinaw na pananalita: Ngayon, ang praktikal na Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay hindi kumikilos; nangungusap lamang Siya. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Gumagamit din Siya ng mga salita upang gumawa, at gumagamit Siya ng mga salita sa halip na mga katunayan upang ipaalam sa iyo ang Kanyang realidad. Kung may kakayahan kang mahiwatigan ang paraang ito ng gawain ng Diyos, mahirap na sa gayong maging negatibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo lamang—na ibig sabihin, natutupad man o hindi ang mga salita ng Diyos, o mayroon man o walang pagdating ng mga katunayan, nagsasanhi ang Diyos na matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda; at lalong higit pa, ito ay isang di-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na magagamit sa pagkilala sa Diyos, at mas dakila pang tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Sa katunayan, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao at nakakamit sila, ipinaaalam Niya sa kanila ang mga gawa ng praktikal na Diyos; ginagamit Niya ang gawain ng praktikal na Diyos upang ipakita sa mga tao ang aktwal na kabuluhan ng pagkakatawang-tao, upang ipakita sa kanila na talagang nagpakita na sa tao ang Espiritu ng Diyos. Kapag ang mga tao ay nakamtan at nagawang perpekto ng Diyos, nalupig na sila ng mga pagpapahayag ng praktikal na Diyos; binago sila ng mga salita ng praktikal na Diyos at inihalo na ang Kanyang sariling buhay sa kanila, pinupunan sila ng kung ano Siya (maging ito man ay kung ano Siya sa Kanyang pagkatao o kung ano Siya sa Kanyang pagka-Diyos), pinupunan sila ng diwa ng Kanyang mga salita, at ipinasasabuhay sa mga tao ang Kanyang mga salita. Kapag kinakamit ng Diyos ang mga tao, pangunahing ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita at mga pagpapahayag ng praktikal na Diyos bilang isang paraan upang harapin ang mga kakulangan ng mga tao, at upang hatulan at ibunyag ang kanilang mapanghimagsik na disposisyon, na nagdudulot na makamit nila ang kanilang kinakailangan at ipinakikita sa kanila na ang Diyos ay dumating na sa gitna ng tao. Pinakamahalaga sa lahat, ang pagliligtas sa bawat tao mula sa impluwensya ni Satanas, pag-aalis sa kanila mula sa lupain ng karumihan, at pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon ang gawaing ginagawa ng praktikal na Diyos. Ang pinakamalalim na kabuluhan ng pagiging nakamit ng praktikal na Diyos ay ang kakayahang isabuhay ang normal na pagkatao, kasama ang praktikal na Diyos bilang halimbawa at huwaran, kakayahang magsagawa ayon sa mga salita at mga hinihingi ng praktikal na Diyos nang walang kahit katiting na paglihis o pag-alis, pagsasagawa sa anumang paraang sinasabi Niya, at kakayahang matamo ang anumang hinihingi Niya. Sa ganitong paraan, makakamit ka na ng Diyos. Kapag nakamit ka na ng Diyos, hindi mo lamang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu; sa pangunahin, naisasabuhay mo ang mga hinihingi ng praktikal na Diyos. Ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nangangahulugang mayroon ka nang buhay. Ang pinakamahalaga ay kung kaya mo bang kumilos ayon sa mga hinihingi ng praktikal na Diyos sa iyo, na kaugnay sa kung makakamit ka ba ng Diyos. Ito ang mga pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng praktikal na Diyos sa katawang-tao. Ito ay upang sabihin na nakakamit ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao sa pamamagitan ng tunay at aktwal na pagpapakita sa katawang-tao at ng pagiging maliwanag at makatotohanan, pagiging nakikita ng mga tao, aktwal na paggawa sa gawain ng Espiritu sa katawang-tao, at sa pagkilos bilang isang halimbawa para sa mga tao sa katawang-tao. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao ay pangunahin upang bigyang-daan ang mga tao na makita ang tunay na mga gawa ng Diyos, upang magbigay ng hugis ng katawang-tao sa walang hugis na Espiritu, at upang tulutan ang mga tao na makita at mahipo Siya. Sa ganitong paraan, yaong mga ginagawa Niyang ganap ay isasabuhay Siya, makakamit Niya, at magiging kaayon ng Kanyang puso. Kung sa langit lamang nagsalita ang Diyos at hindi aktwal na pumarito sa lupa, hindi pa rin makakaya ng mga tao na makilala ang Diyos; maipangangaral lamang nila ang mga gawa ng Diyos gamit ang hungkag na teorya at hindi tataglayin ang mga salita ng Diyos bilang realidad. Pumarito ang Diyos sa lupa pangunahin upang magsilbing isang halimbawa at huwaran para sa yaong mga kakamtin Niya; sa ganito lamang talagang makikilala ng mga tao ang Diyos, mahihipo ang Diyos, at makikita Siya, at saka lamang sila tunay na makakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Ang “matipon” ay hindi nangangahulugan na madadala mula sa isang mababang lugar patungo sa isang mataas na lugar, gaya ng maaaring iniisip ng mga tao; malaking pagkakamali iyan. Ang “matipon” ay tumutukoy sa Aking pagtatalaga at pagkatapos ay pagpili. Nakaukol ito sa lahat ng Aking itinalaga at pinili. Lahat ng tinipon ay ang mga taong nagkamit ng katayuan ng pagiging mga panganay na anak, o ang bayan ng Diyos. Lubha itong hindi tugma sa mga kuru-kuro ng mga tao. Sila na magkakaroon ng bahagi sa Aking bahay sa hinaharap ay ang lahat ng natipon sa Aking harapan. Ito ay walang pasubaling totoo, hindi nagbabago kailanman, at hindi maaaring pabulaanan. Ito ang Aking ganting-atake laban kay Satanas. Sinumang Aking itinalaga ay matitipon sa harap Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 104

Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagdating sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dala ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa pamamaraang likas sa Kanya, Siya ay bumababa sa sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang klase ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Ito ay isang tunay at aktwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang wala sa loob, o para sa anumang pangmadaliang pagsasagawa; sa halip, ito ay para sa isang yugto ng gawain sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging nagtataglay ng ilang kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na pagpapakita rito ay lubos na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, umaakay, at nagliliwanag sa tao. Isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain sa tuwing inihahayag Niya ang Sarili Niya. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang bago at pinahusay na uri ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; bukod dito, ito ay gawain na nagdadala sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos.

… Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagkat kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Kung mananatiling nakagapos ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit wala sa kanila ang daan ng buhay na nagtutulot sa kanila na makilala ang Diyos at mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na matatamo kailanman sa kanilang paniniwala sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng paniniwala. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga hangaring taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya katotoo at kamakapangyarihan sa lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang maniwala sa Diyos, at kung ano ang umayon sa kalooban ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga sumusunod sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang Diyos na nagkatawang-tao—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagtatamo ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako’y lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako’y lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na bigkasin nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng Kanyang pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.” Noong panahong iyon, malalaman mo nang walang anumang pagdududa na ang ordinaryong katawan na ito na napakaraming nasabi ay hindi maikakailang ang pangalawang Diyos na nagkatawang-tao. Bukod pa riyan, madarama mo talaga kung gaano ka kapalad, at madarama mo sa sarili mo na ikaw ang pinakamapalad. Hindi ka ba handang tanggapin ang pagpapalang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang magkaroon ng takot. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Ang Kaharian ba ng Diyos ay nasa Langit o nasa Lupa?

Saan ang Lugar na Naihanda ng Panginoon para sa Atin?

Kaugnay na mga Sermon

Ano Talaga ang Marapture?

Kaugnay na mga Himno

Nadala Kami sa Harap ng Luklukan

Ang Pinakadakilang Pagpapala na Ipinagkakaloob ng Diyos sa Tao

Mga Simbolo ng Tagumpay ng Diyos

Pasasalamat at Papuri sa Makapangyarihang Diyos

Ang Lahat ng Tao ng Diyos ay Pinupuri Siya Nang Lubos

Sinundan: 3. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Kaagad Niyang Babaguhin ang Anyo ng mga Tao at Gagawin Silang Banal”

Sumunod: 5. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Diyos na Sinasampalataya ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay Isang Regular na Tao”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 11: Pinatototohanan mo na si Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ang parehong si Cristo, ang una at ang huling Cristo. Hindi ’yan tinatanggap ng ating CCP. Sa The Internationale, malinaw na sinabi “Walang sinumang naging tagapagligtas ng mundo kailanman.” Pilit n’yong pinatototohanan na dumating na si Cristong Tagapagligtas. Paanong hindi kayo tutuligsain ng CCP? Sa palagay namin, ang Jesus na pinananaligan ng mga Kristiyano ay isang karaniwang tao. Ipinako pa nga siya sa krus. Kahit ang Judaismo ay hindi kinilala na Siya si Cristo. Ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw na pinatototohanan n’yo ay isa lamang palang karaniwang tao. Malinaw na inilalarawan sa mga dokumento ng CCP na may apelyido at pangalan Siya. Totoo rin ’yan. Bakit n’yo pinatototohanan na ang gayong karaniwang tao ay si Cristo, ang pagpapakita ng Diyos? Mahirap paniwalaan ’yan! Gaano man n’yo patotohanan ang katotohanang naipahayag at kung paano nagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, hindi kikilalanin ng ating CCP na ang taong ito ay ang Diyos. Palagay ko katulad lang kayo ng mga tao ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Eastern Orthodoxy na nananalig kay Jesus, na nananalig na Diyos ang isang tao. Hindi ba kamangmangan ’yan? Ano ba talaga ang Diyos at ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Ibig sabihin ba nito ay ang pagpapahayag lang ng katotohanan at paggawa ng gawain ng Diyos ay pagpapakita ng tunay na Diyos? Yan ang hinding-hindi namin tatanggapin. Kung makakagawa ang Diyos ng mga himala at hiwaga, mapupuksa ang CCP at lahat ng kumakalaban sa Kanya, kikilalanin namin na Siya ang tunay na Diyos. Kung magpapakita ang Diyos sa kalangitan, gagawa ng madagundong na kulog na tatakot sa buong sanglibutan, yan ang pagpapakita ng Diyos. Sa gayo’y kikilalanin Siya ng ating CCP. Kung hindi, hinding-hindi tatanggapin ng CCP na may Diyos.

Sagot: Hindi ko lang maunawaan, bakit palaging galit ang CCP sa Diyos? Bakit nito palaging tinatanggihan ang Diyos? Bakit ito galit lalo na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito