10. Paano danasin ang mga pagsubok at pagpipino

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na nagpahintulot sa tao na makamit kapwa ang kaalaman ukol sa Kanya at pagpapasakop sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang Kanyang paghatol, at pagpupungos sa kanya, kung wala ng mga ito ay hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa magiging epekto sa isang aspeto, ngunit para sa epekto sa iba’t ibang aspeto. Kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang determinasyon at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi kaagad nauunawaan o naaarok ng tao, sapagkat ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na maunawaan ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling maunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang determinasyon na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang determinasyon ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na yaong mga tao ay labis na nagdurusa kapag sila ay pinipino, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na kaalaman. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na kaalaman sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Ngayong mga huling araw, ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas. Talaga bang madali iyong magwawakas? Kapag nalupig na Niya ang sangkatauhan, matatapos na ba ang Kanyang gawain? Ganoon ba iyon kasimple? Iniisip ng mga tao na ganoon nga iyon kasimple, ngunit ang ginagawa ng Diyos ay hindi napakasimple. Anumang bahagi ng gawain ng Diyos ang gusto mong banggitin, lahat ay hindi maarok ng tao. Kung nagawa mong arukin ito, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay di-maarok; lubos itong salungat sa iyong mga kuru-kuro, at kapag mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas ipinakikita nito na makabuluhan ang gawain ng Diyos; kung kaayon ito ng iyong mga kuru-kuro, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngayon, nadarama mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at kapag mas kamangha-mangha ito sa pakiramdam mo, mas nadarama mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ang tanging ginawa Niya ay mababaw at padalus-dalos na gawain upang lupigin ang tao at wala na Siyang ibang ginawa pagkatapos, mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama’t tumatanggap ka ngayon ng kaunting pagpipino, malaki ang pakinabang nito sa iyong paglago sa buhay; kaya’t napakahalagang dumanas ka ng gayong paghihirap. Ngayon, tumatanggap ka ng kaunting pagpipino, ngunit pagkatapos ay tunay mong mamamalas ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa huli: “Lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos!” Ito ang sasambitin ng puso mo. Dahil naranasan nila sandali ang pagpipino ng Diyos (ang pagsubok sa mga tagasilbi at ang panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang tao sa huli: “Mahirap talagang maniwala sa Diyos!” Ang katunayan na ginamit nila ang mga salitang, “mahirap talaga,” ay nagpapakita na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay may dakilang kabuluhan at halaga, at na ang Kanyang gawain ay lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, pagkatapos Kong gumawa ng napakaraming gawain, wala ka ni katiting na kaalaman, magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Sasabihin mo dahil dito na: “Mahirap talagang maglingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, at talagang matalino ang Diyos! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig!” Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang mga salitang iyon, pinatutunayan nito na natamo mo na ang gawain ng Diyos sa iyong kalooban.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mapanghimagsik na disposisyon ng mga tao na walang kakayahang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming hindi malinis sa kalooban ng mga tao, at maraming mapag-imbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang linisin sila. Ngunit kung ngayon ay nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging pagpeperpekto sa iyo. Kung ngayon ay hindi mo nagagawang bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay tutukso sa iyo, at matutumba ka nang hindi mo namamalayan, at sa oras na iyon hindi mo matutulungan ang iyong sarili, sapagka’t hindi mo kayang sumabay sa gawain ng Diyos, at wala kang tunay na katayuan. At kaya, kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananampalataya. Isang araw, kapag tunay na dumating sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng kaunting sakit at medyo mabagabag, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong pagmamahal sa Diyos ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong nagpapasakop, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong pinagpala ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananampalataya o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; malulublob ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag dumarating sa iyo ang isang maliit na pagsubok, ngunit hindi nangangahulugang magagawa mong manindigan kapag dumating sa iyo ang isang malaking pagsubok balang araw. Ang ilang tao ay palalo at iniisip na malapit na silang maging perpekto. Kung hindi ka sisisid nang mas malalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, hindi ginagawa ng Diyos ang gawain ng mas matitinding pagsubok at tila maayos ang lahat, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong mababa ang katayuan mo at wala kang kakayahang magtiis ng matitinding pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at hindi ka kumikilos, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kababa ang inyong katayuan; sa ganitong paraan lamang kayo uunlad. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakababa ng iyong katayuan, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa mga layunin ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.

Kung hindi mo alam ang disposisyon ng Diyos, tiyak na mahuhulog ka kapag may mga pagsubok, dahil hindi mo alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; at sa anong paraan Niya ginagawa silang perpekto, at kapag dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa iyo at hindi sila tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo magagawang manindigan. Ang totoong pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang buong disposisyon, at kapag ipinapakita sa mga tao ang buong disposisyon ng Diyos, ano ang dala nito sa iyong laman? Kapag ipinapakita sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, tiyak na daranas ng matinding sakit ang kanilang laman. Kung hindi mo pagdurusahan ang sakit na ito, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos, at hindi ka rin makapag-uukol ng totoong pagmamahal sa Diyos. Kung ginagawa kang perpekto ng Diyos, tiyak na ipakikita Niya sa iyo ang Kanyang buong disposisyon. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao—ngunit sa mga huling araw, Kanyang ibinubunyag ito sa grupong ito ng mga tao na Kanya nang itinalaga at pinili, at sa pagpeperpekto sa mga tao, Kanyang inilalantad ang Kanyang mga disposisyon, kung saan sa pamamagitan nito ay Kanyang ginagawang ganap ang isang grupo ng mga tao. Ganyan ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagdanas ng tunay na pag-ibig ng Diyos ay nangangailangan sa mga tao na magtiis ng matinding sakit, at magbayad ng isang malaking halaga. Pagkatapos lamang nito na sila ay makakamit ng Diyos at magagawang magsukli ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, at saka lamang masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung nais ng mga tao na gawin silang perpekto ng Diyos, at kung nais nilang sumunod sa Kanyang kalooban, at ganap na ipagkaloob ang kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, dapat nilang maranasan ang matinding pagdurusa at maraming pasakit mula sa mga pagkakataon, at magdusa ng sakit na mas masahol pa kaysa kamatayan. Sa huli, mapipilitan silang ibigay ang kanilang totoong puso pabalik sa Diyos. Kung tunay na mahal o hindi ng isang tao ang Diyos ay nabubunyag sa panahon ng paghihirap at pagdadalisay. Nililinis ng Diyos ang pag-ibig ng mga tao, at ito rin ay nakakamit lamang sa gitna ng paghihirap at pagdadalisay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagpipigil ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang layunin ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at magiging matatag sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nananampalataya kang makikita mo ang Kanyang mga kilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananampalatayang iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakakamtan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananampalataya. Ano ang tinutukoy ng salitang “pananampalataya”? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring malaman ang tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa panahon ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang mga layunin at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Noong araw, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, hinanap mo Siya. Ngunit ngayon nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at nagkaroon ka ng mga problema—nawawalan ka na ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananampalataya, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.

… Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t ikaw ay tatangis nang labis o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magtiis ng mga paghihirap at na magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga kinakailangang ito, hindi ka magagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao. Hindi Siya bumibigkas ni isang salita, kundi ikinukubli Niya ang Kanyang Sarili at hindi Siya tuwirang nakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa tingin, mukhang wala Siyang ginagawa, ngunit ang totoo ay gumagawa pa rin Siya sa kalooban ng tao. Ang sinumang naghahangad ng buhay pagpasok ay mayroong isang pananaw para sa kanilang paghahangad sa buhay, at wala silang mga pag-aalinlangan kahit hindi nila lubos na nauunawaan ang gawain ng Diyos. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga kaisipan ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahanapin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kahihinatnan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na itinatag ng pagsubok na kamatayan at ng pagsubok na pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga pagkaintindi ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at tumatagos sa mga pagkaintindi ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat niyaong sumusunod sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit yaong mga hindi ay ititiwalag ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang pangarap, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong praktikal na karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang, dapat mong hangaring makapasok sa iyong praktikal na karanasan, at kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspeto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang iabot sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang walang gambala at gampanan mo ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para masunod ang mga layunin ng Diyos. Gayunman, para sa mga yaon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi sundan ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, sa pinakamababa, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging maluwag sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kahit na panghawakan mo ang iyong espirituwal na buhay na para bang sumusunod ka sa isang regulasyon, kailangan mo pa rin itong panghawakan; kailangan mong sundin ang regulasyong ito upang hindi ka mawalan sa iyong buhay at upang matugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo mauunawaan ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong mga kuru-kuro, at bagama’t handa kang sundan Siya, wala kang sigla ng kalooban. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay—ang kailangan lamang ay pagtibayin mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging sakim ang mga tao sa kariwasaan at mas gustong tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang walang anumang kapalit. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang walang anumang kapalit—ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay naniniwala sa Diyos at naghahangad ng buhay pagpasok at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, kailangan nilang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi nilang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang regulasyon, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay-iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamaliit na kinakailangan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging naising maghangad, at sikaping makipagtulungan, gamitin ang lahat ng iyong lakas—magagawa ba ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Sa panahon ng mapait na pagpipino madaling nahuhulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong tipunin ang iyong kalooban, ialay ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong huling sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang tuparin ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagniig. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo na gawin ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagawa nang maayos, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya, at gawin ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang nagawa mo, o na hindi maganda ang nagawa mo—ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsiyensya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, tanga, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Habang dumaranas ka, dalawang beses kang mabibigo at isang beses na magtatagumpay, o kung hindi naman ay mabibigo nang limang beses at dalawang beses na magtatagumpay, at habang nakararanas ka sa ganitong paraan, tanging sa gitna ng kabiguan mo magagawang makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at matutuklasan kung ano ang kulang sa loob mo. Sa susunod na maharap ka sa gayong mga sitwasyon, dapat mong ingatan ang sarili mo, gawing mahinahon ang iyong mga hakbang, at manalangin nang mas madalas. Unti-unti mong mapapaunlad ang iyong kakayahan na magtagumpay sa gayong mga sitwasyon. Kapag nangyari iyon, naging mabisa ang iyong mga panalangin. Kapag nakita mong naging matagumpay ka sa pagkakataong ito, makakaramdam ka ng kasiyahan, at kapag nananalangin ka magagawa mong madama ang Diyos, at na ang presensiya ng Banal na Espiritu ay hindi ka nilisan—sa gayon mo lamang malalaman kung paano gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magbibigay sa iyo ng landas sa pagdanas. Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan, mawawala ang presensiya ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ngunit kung isasagawa mo ang katotohanan kapag nakaharap mo ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga sila, bagama’t nasasaktan ang iyong kalooban, mapapasaiyo ang Banal na Espiritu pagkaraan nito, madarama mo ang presensiya ng Diyos kapag ikaw ay nananalangin, magkakaroon ka ng lakas upang isagawa ang mga salita ng Diyos, at sa panahon ng pakikipagniig sa iyong mga kapatid wala nang magiging mabigat sa iyong konsensiya at ikaw ay mapapanatag, at sa ganitong paraan, magagawa mong mailantad and iyong nagawa. Anuman ang sabihin ng iba, magagawa mong magkaroon ng isang normal na relasyon sa Diyos, hindi ka mapipigilan ng iba, magtatagumpay ka sa lahat ng bagay—at dahil dito ay maipakikita mo na ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ay naging mabisa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala na gawing perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at mapungusans ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagpapalinaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at tumayong saksi sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa tiwala at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang mga layunin, subalit hindi ka naman nagsasagawa, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong tiwala sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Yaong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nagdidilim ang mundo pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw magtipun-tipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat gampanan ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang mga layunin ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pananaw. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahanap. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pananaw! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay napakahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung ginagampanan mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga payo ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga payo, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa lahat ng pagkakataon, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang pagsaksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong pagsaksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos. Kung hindi mo paninindigan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at pinagpasyahan ay nawalan ng saysay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nangangailangan ng malaking tiwala, tiwalang mas malaki pa kaysa kay Job. Kung walang tiwala, hindi magagawang magpatuloy ng mga tao na magkaroon ng karanasan at hindi rin sila magagawang perpekto ng Diyos. Pagdating ng panahon ng matitinding pagsubok, magkakaroon ng mga tao na aalis ng mga iglesia—ang ilan ay dito, ang ilan ay doon. Magkakaroon ng ilan na medyo maganda naman ang nagawa sa kanilang paghahangad sa nakaraang mga araw at hindi magiging malinaw kung bakit hindi na sila naniniwala. Maraming bagay ang mangyayari na hindi mo mauunawaan, at hindi maghahayag ang Diyos ng anumang mga tanda o hiwaga, ni gagawa ng anumang higit sa karaniwan. Ito ay upang makita kung kaya mong manindigan—ang Diyos ay gumagamit ng mga katotohanan upang pinuhin ang mga tao. Hindi ka pa gaanong nagdusa. Sa hinaharap kapag dumating ang matitinding pagsubok, sa ilang lugar ay aalis ang bawat tao sa iglesia, at yaong mga nakapalagayan mo na ng loob ay aalis at tatalikuran ang kanilang pananampalataya. Magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Hanggang ngayon, ang mga pagsubok na iyong nakaharap ay maliliit lamang, at marahil ay halos hindi mo na nagawang tiisin ang mga iyon. Kabilang sa hakbang na ito ang mga pagpipino at pagpeperpekto sa pamamagitan lamang ng mga salita. Sa susunod na hakbang, ang mga katotohanan ay darating sa iyo upang pinuhin ka, at pagkatapos ay mamemeligro ka. Kapag talagang naging seryoso na iyon, papayuhan ka ng Diyos na magmadali at umalis, at tatangkain ng mga relihiyosong tao na akitin kang sumama sa kanila. Ito ay upang makita kung kaya mong magpatuloy sa landas, at lahat ng bagay na ito ay mga pagsubok. Ang kasalukuyang mga pagsubok ay maliliit, ngunit darating ang araw na magkakaroon ng mga tahanan kung saan ang mga magulang ay hindi na naniniwala, at magkakaroon ng ilan kung saan ang mga anak ay hindi na naniniwala. Magagawa mo pa bang magpatuloy? Habang lalo kang sumusulong, lalong titindi ang iyong mga pagsubok. Isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawaing pinuhin ang mga tao ayon sa kanilang mga pangangailangan at sa kanilang tayog. Sa yugto ng pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan, imposibleng patuloy na lumaki ang bilang ng mga tao—liliit lamang ito. Sa pamamagitan lamang ng mga pagpipinong ito magagawang perpekto ang mga tao. Ang pagpupungos, pagdidisiplina, pagsubok, pagkastigo, pagsumpa—kaya mo bang tiisin ang lahat ng ito? Kapag nakakakita ka ng isang iglesia na partikular na maganda ang sitwasyon, kung saan lahat ng kapatid ay naghahangad nang may matinding sigla, ikaw mismo ay nahihikayat. Kapag dumating ang araw na nakaalis na silang lahat, ang ilan sa kanila ay hindi na naniniwala, ang ilan ay umalis na upang magnegosyo o mag-asawa, at ang ilan ay umanib na sa relihiyon; magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Magagawa mo bang panatilihing hindi nagugulo ang iyong kalooban? Ang pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi isang napakasimpleng bagay! Siya ay gumagamit ng maraming bagay upang pinuhin ang mga tao. Ang tingin ng mga tao rito ay mga pamamaraan, ngunit sa orihinal na layunin ng Diyos ay ni hindi man lang mga pamamaraan ang mga ito, kundi mga katotohanan. Sa huli, kapag napino na Niya ang mga tao kahit paano at wala na silang anumang mga reklamo, ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay makukumpleto. Ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu ay ang gawin kang perpekto, at kapag hindi Siya gumagawa at ikinukubli ang Kanyang Sarili, iyon ay higit na para sa layunin ng pagpeperpekto sa iyo, at sa ganitong partikular na paraan makikita kung may pagmamahal ang mga tao sa Diyos, kung may tunay na tiwala sila sa Kanya. Kapag ang Diyos ay nagsasalita nang malinaw, hindi mo na kailangang maghanap; kapag nakakubli Siya, saka mo lamang kailangang maghanap at mangapa. Dapat mong magawang gampanan ang tungkulin ng isang nilalang, at anuman ang kahinatnan mo sa hinaharap at ang iyong hantungan, dapat mong magawang maghangad ng kaalaman at pagmamahal sa Diyos sa mga taon ng iyong buhay, at paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong magawang iwasan na magreklamo. May isang kondisyon para gumawa ang Banal na Espiritu sa kalooban ng mga tao. Kailangan nilang mauhaw at maghangad at hindi mawalan ng sigla o magduda tungkol sa mga kilos ng Diyos, at kailangan nilang magawang panindigan ang kanilang tungkulin sa lahat ng oras; sa ganitong paraan lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa sangkatauhan ay malaking tiwala at pagharap sa Diyos upang maghangad—sa pamamagitan lamang ng karanasan matutuklasan ng mga tao kung gaano kaibig-ibig ang Diyos at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Kung hindi ka daranas, kung hindi ka mangangapa, kung hindi ka maghahangad, wala kang mapapala. Kailangan mong mangapa sa pamamagitan ng iyong mga karanasan, at sa pamamagitan lamang ng iyong mga karanasan mo makikita ang mga kilos ng Diyos at makikilala ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at mahiwaga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Lahat kayo ay nasa gitna ng pagsubok at pagpipino. Paano ninyo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pagdanas ng pagpipino, nagagawa ng mga tao na mag-alay ng tunay na papuri sa Diyos, at sa gitna ng pagpipino, nakikita nila na napakalaki ng kanilang pagkukulang. Habang lalong tumitindi ang iyong pagpipino, mas nagagawa mong maghimagsik laban sa laman; habang lalong tumitindi ang pagpipino ng mga tao, lalong mas nadaragdagan ang pag-ibig nila sa Diyos. Ito ang dapat ninyong maunawaan. Bakit dapat mapino ang mga tao? Anong epekto ang nilalayon nitong matamo? Ano ang kabuluhan ng gawain ng pagpipino ng Diyos sa tao? Kung tunay mong hinahanap ang Diyos, sa pagdanas sa Kanyang pagpipino hanggang sa isang partikular na punto ay madadama mo na ito ay napakainam, at na ito ay sukdulang kinakailangan. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, na umiibig sa Kanya, at ayaw mong intindihin ang laman. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabi ang: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; alam Mo ang laman ng aking puso, at hinihiling kong magbuhos Ka ng mas malaking pag-ibig Mo sa loob ko.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagniig sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng patnubay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at maiaalay mo nang may kagalakan ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at magiging pinakaiibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi mahina. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong ilatag ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, isantabi ang lahat nang may kagalakan para sa Diyos, at masayang tiisin ang anuman para sa Diyos—samakatuwid ang iyong pag-ibig ay magiging dalisay, at ang iyong pananampalataya ay magkakaroon ng realidad. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at ang lahat ng kanyang anak, subalit hindi siya nanlumo o nagsabi ng anumang kasalanan laban sa Diyos dahil dito. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian, mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, na ang ibig sabihin ay nagawa niyang magpasakop sa Diyos habang kinukuha ng Diyos ang mga bagay mula sa kanya at nagawa niyang magbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa sa naranasan niya noon, sapat na ang kanyang patotoo upang mamangha ang mga tao. Ginamit niya ang katatagan ng kanyang loob, pananalig, at pagpapasakop sa Diyos, pati na ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos o alisin ang kanyang katapatan at may-takot-sa-Diyos na puso; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job ay naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya ay natakot at nanginig si Satanas, dahil sa sidhi ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas sa kanilang laban na buhay o kamatayan ang maaaring kahinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas; dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid ay wala nang magawa si Satanas sa kanya, kung kaya’t tinalikuran ni Satanas ang pag-atake sa kanya at binitiwan ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, at napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, tunay niyang isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa pamumuhay nang may takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas husto ang kanyang pag-iisip at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng integridad na pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pagkaunawa at kamalayan sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam nito sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon ay naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang hindi naglayo kay Job mula sa Kanya, kundi mas naglapit ng kanyang puso sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na wala nang mapagpilian kundi sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, kundi isang natural na paghahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ito ay isang likas na paghahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinasuklaman niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba at pananabik sa Diyos at katapatan sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananampalataya, pagpapasakop, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya; siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagbigay sa kanya ng tagumpay laban kay Satanas at nagpatibay ng kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at nagbigay-daan sa pagtaas ng halaga ng kanyang buhay at pangingibabaw nito nang higit kaysa kailanman, at naging dahilan ang mga ito upang siya ay maging ang kauna-unahang tao na hindi na kailanman aatakihin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at siya ay nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon, si Job ang naging kauna-unahang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos at namuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos nang walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos; siya ay napalaya …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ang layunin ng gawain ng pagpipino una sa lahat ay upang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Sa huli, ang nakamtan ay na nais mong umalis ngunit, kasabay nito, hindi mo magawa; nagagawa pa ring manampalataya ng ilang tao kahit wala sila ni katiting na pag-asa; at ni hindi na umaasa man lang ang mga tao hinggil sa kanilang sariling mga inaasam sa hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Hindi pa rin nakakarating ang tao sa yugtong mabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, kaya hindi pa tapos ang proseso ng pagpipino. Maging yaong mga nasa hakbang ng mga tagasilbi ay hindi pa lubos na napipino. Matindi ang pagpipinong pinagdaanan ni Job, at wala siyang nasandigan. Kailangang sumailalim sa mga pagpipino ang mga tao hanggang sa puntong wala na silang pag-asa at wala nang masandigan—ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagasilbi, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang naging mga layunin para sa iyo, palagi kang nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng ginawa ng Diyos. Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, nagpakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian”? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na nagpasakop sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga kuru-kuro, personal na pagkiling, makasariling ideya, indibiduwal na pangangailangan at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga kuru-kuro, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng kaalaman tungkol sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, ito ay ang manindigan sa iyong patotoo. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Makikita ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapamalas ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilihis—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo’y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at maghimagsik laban dito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Habang tumitindi ang pagpipino ng Diyos, mas nagagawa ng mga puso ng mga tao na ibigin ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging panatag sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas mahusay nilang nakikita ang pinakadakilang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang sukdulang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses; magagawa lamang ninyo na matutugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos kung pagdaraanan ninyo ang prosesong ito at aasa sa hakbang na ito. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa mga puso ng mga tao. Kung walang paghihirap, walang tunay na pag-ibig ang mga tao sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila tunay na isasailalim sa pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging walang direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano katindi ang iyong paghihimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; sa pamamagitan ng mga pagsubok ay mas nagagawang perpekto ang mga tao.

Noong siya ay nabubuhay pa, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging saligan ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayunpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang mga puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at kahit na para bang ang kanilang mga saloobin ay nakalaan lahat sa Diyos at wala ni anumang mga ideya ng tao, kapag ang kanilang mga saloobin ay dinala sa harap ng Diyos, hindi Niya pinupuri o binabasbasan ang gayong mga saloobin. Kahit ganap nang naunawaan ng mga tao ang lahat ng mga katotohanan—kapag nalalaman na nila ang lahat ng ito—hindi masasabi na ito ay isang tanda ng pag-ibig sa Diyos, hindi masasabi na may realidad ng pagmamahal ang mga taong ito sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang kanilang mas malalim na kahulugan. Sa panahong iyon, kapag muli nilang sinubukan, maisasagawa nila nang maayos ang mga katotohanan, at alinsunod sa mga layunin ng Diyos; sa panahong iyon, ang kanilang mga ideyang pantao ay nababawasan, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nawawala; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming kapaitan sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa Kanyang hinihingi na ibigin Siya ng tao, hindi hinihiling ng Diyos na ibigin Siya ng tao gamit ang silakbo ng damdamin o ang sarili niyang kalooban; sa pamamagitan lamang ng katapatan at ng paggamit ng katotohanan upang paglingkuran Siya magagawa ng tao na tunay na ibigin Siya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga bagay na dapat mong matutuhan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang nagawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na minamahal ang Diyos. Mas malaki ang gawain ng Diyos sa tao, mas magdurusa ang tao, mas naipakikita nito kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at na mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano mo natututuhan kung paano mahalin ang Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at awa—makaaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng Kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran para sa tao kaya mas nararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng malubhang pagdadalamhati—nang naranasan na ito, nakikita ng tao kung gaano kakaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa natatamo ang Diyos, at ang iyong paniniwala sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao, nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng kaunting panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kakayahang gawing perpekto ang tao, walang kakayahang ihayag yaong tiwali sa kalooban ng tao, at walang kakayahang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananampalataya. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang hinaharap ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, mawawalan ka ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit ka sa isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung ano ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Naniwala ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, ang tamang landas na naakay kang tahakin ng mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang higit pa sa buong pagpipino ng pagdurusang isinaayos ng Diyos. Saka lamang mababago ang disposisyon ng tao sa buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Kailangang Sumailalim ang mga Mananampalataya sa Paghatol at Pagkastigo ng Diyos?

Matapos Malamang May Kanser ang Kanyang Anak na Babae

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Napakarami Kong Nakamit Mula sa Pagdaranas ng Sakit

Mga Pagninilay Pagkatapos Magkasakit Noong Pandemya

Pagkatapos ng Pagpanaw ng Aking Asawa

Kaugnay na mga Himno

Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok

Ang mga Pagsubok ng Diyos sa Tao ay para Dalisayin Sila

Sinusubukan at Pinipino ng Diyos ang Tao Upang Maperpekto Siya

Ang Pagpipino ng Diyos sa Tao ang Pinaka-Makahulugan

Makakaya Mong Mahalin nang Tunay ang Diyos sa Pamamagitan Lang ng mga Paghihirap at Pagsubok

Sinundan: 9. Paano harapin ang mapungusan

Sumunod: 11. Bakit dapat gampanan nang maayos ng mga mananampalataya sa Diyos ang kanilang mga tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito