5. Paano makilatis ang mga anticristo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Paano inilalarawan ng Diyos ang mga anticristo? Bilang iyong mga namumuhi sa katotohanan at sumasalungat sa Diyos—mga kaaway sila ng Diyos! Ang pagsalungat sa katotohanan, pagkamuhi sa Diyos, at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay—hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga karakter? Hindi sila inililigtas ng Diyos! Kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga taong ito ang katotohanan, may kalikasang diwa sila ng mga anticristo. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang inilalantad dito ay kabuktutan, pagiging marahas, at pagkamuhi sa katotohanan. Ito ang pinakamalala sa mga satanikong disposisyon sa mga tiwaling disposisyon, na kumakatawan sa mga pinakakaraniwan at pinakamalaking katangian ni Satanas, hindi ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay isang puwersang laban sa Diyos. Maaari nilang guluhin at kontrolin ang iglesia, at mayroon silang kapasidad na lansagin at gambalain ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang gawin ng mga ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon; ang mga anticristo lang ang may kakayahang gumawa ng gayong mga kilos. Huwag ninyong maliitin ang bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem
Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay humingi nang labis-labis mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang magpapasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananampalataya.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kapareho ng uri ni Pablo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Hayagang lumalaban ang mga anticristo sa katotohanan at sa Diyos; nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang na tao, sa Kanyang posisyon, at sa puso ng mga tao, at gumagawa pa nga ang mga anticristo ng iba’t ibang bagay sa paligid ng mga hinirang na tao ng Diyos para makuha ang kanilang puso, at para ilihis at paralisahin sila. Sa madaling salita, ang kalikasan ng mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, ito man ay lantad o sikreto, ay palaging kumakalaban sa Diyos. Bakit Ko sinasabing ito ay kumakalaban sa Diyos? Ito ay dahil alam na alam ng mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ang Diyos ay ang Diyos, pero sinasalungat pa rin nila ang Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan kahit na paano man ito pagbahaginan. Halimbawa, inaakit ng ilang anticristo ang ilang tao at inililihis at kinokontrol ang mga ito. Pinapatalima at pinapasunod nila ang mga tao sa kanila, at pagkatapos ay mapandaya silang kumukuha ng lahat ng klase ng libro at materyales mula sa iglesia, at bumubuo sila ng sarili nilang mga iglesia at nagtatatag ng sarili nilang mga kaharian, nang sa gayon ay matamasa nila ang pagiging sinusunod at sinasamba ng kanilang mga tagasunod, at pagkatapos niyon ay nagsisimula silang kumita sa iglesia. Ang ganitong klase ng pag-uugali ay malinaw na pakikipag-agawan nila sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang na tao—hindi ba’t isa itong katangian ng mga anticristo? Hindi ba makatwiran na tukuyin ang mga taong ito bilang mga anticristo batay sa kitang-kitang katangiang ito? Talagang makatwiran ito—napakatumpak ng depinisyong ito! May ilan ding anticristo na bumubuo ng mga pangkat sa loob ng iglesia at winawasak ang iglesia. Palagi silang gumagawa ng sarili nilang mga puwersa sa loob ng iglesia, at hindi nila isinasali ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila. Pagkatapos ay pinapanatili nila sa tabi nila ang mga nakikinig at sumusunod sa kanila para bumuo ng sarili nilang mga grupo at pasunurin ang lahat sa sinasabi nila. Hindi ba’t pagtatatag nila ito ng sarili nilang mga kaharian? Anuman ang mga pagsasaayos ng gawain o ang mga hinihingi ng Itaas, tumatanggi silang isakatuparan ang mga ito at sa halip ay kumikilos sila sa paraan nila, na inaakay ang mga tagasunod nila na hayagang salungatin ang Itaas. Halimbawa, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na palitan kaagad ang mga lider at manggagawa na walang kakayahang gampanan ang mga tunay na gawain. Gayumpaman, iisipin ng isang anticristo: “Bagama’t walang kakayahan ang ilang lider at manggagawa na gampanan ang tunay na gawain, sinusuportahan at sinasang-ayunan nila ako, at matagal ko na silang nililinang. Hindi puwedeng palitan ng itaas ang mga taong ito, maliban na lang kung alisin muna nila ako.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ang iglesiang iyon ay nasa kontrol ng anticristong ito? Ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi nakalalampas sa anticristo at hindi maisakatuparan. Kapag matagal nang inilabas ang mga pagsasaayos ng gawain, at nag-ulat na ang lahat ng iglesia kung paano nila isinagawa ang mga iyon, halimbawa, kung sino ba ang inilipat sa ibang tungkulin o pinalitan dahil sa kung anumang sitwasyon, walang anumang iniuulat kailanman ang anticristo at hindi nito kailanman inililipat ang sinuman. May ilang tao na palaging pabaya sa kanilang mga tungkulin, na seryosong naaapektuhan ang gawain ng iglesia, pero hindi sila inililipat ng anticristo. Kahit na diretsahan pang sabihin ng Itaas sa anticristo na palitan na ang mga taong ito, lilipas ang mahabang panahon na wala itong sagot. Hindi ba’t may problema rito? Kapag sinasabi sa kanya ng Itaas na ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain o sinusubukang magtanong tungkol sa isang bagay, nahaharang na ito ng anticristo. Walang alam dito ang mga kapatid sa iglesia, wala silang natatanggap na mga mensahe, at nakahiwalay na sila sa Itaas—ganap nang nasa ilalim ng kontrol ng taong iyon ang iglesia. Ano ang kalikasan ng pagkilos ng isang anticristo nang ganito? Ito ay ang pagkontrol ng anticristo sa isang iglesia. Bumubuo ng mga pangkat sa iglesia ang mga anticristo, nagtatatag sila ng sarili nilang mga kaharian, sinasalungat nila ang sambahayan ng Diyos, at pinipinsala nila ang mga hinirang na tao ng Diyos. Naiwawala ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi nila maramdaman ang presensiya ng Diyos, walang kapayapaan o kagalakan, nawawalan sila ng pananalig sa Diyos, at hindi na nila masiglang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Nagiging negatibo at masama pa nga sila, at tumitigil na ang mga buhay nila. Ang lahat ng ito ay bunga ng panlilihis at pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)
May isa pang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao: Sinasabi nila, “Nang makita ko si cristo na isang ordinaryong tao, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa aking isipan. Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay isang pagpapahayag ng diyos; ito ang katotohanan, at inaamin ko ito. Mayroon akong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sapat na iyon. Hindi ko na kailangang makipag-ugnayan kay cristo. Kung may mga kuru-kuro, pagkanegatibo, o kahinaan ako, kaya kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng diyos. Madaling magkaroon ng mga kuru-kuro kung nakikipag-ugnayan ako sa diyos na nagkatawang-tao, at ipapakita nito na masyado akong ginawang tiwali. Kung sakaling ako ay kokondenahin ng diyos, wala na akong pag-asang maligtas. Kaya, mas mabuti na mag-isa ko na lang basahin ang salita ng diyos. Ang diyos sa langit ang siyang makakapagligtas sa mga tao.” Ang mga kasalukuyang salita at pagbabahagi ng Diyos, lalo na ang mga salitang iyon na naglalantad sa disposisyon at diwa ng mga anticristo, ang pinakanagpapakirot sa puso ng mga anticristo at ang pinakamasakit para sa kanila. Ito ang mga salitang pinakaayaw basahin ng mga anticristo. Kaya, sa puso ng mga anticristo ay ninanais nilang umalis na agad ang Diyos sa lupa, upang sila ay makapaghari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan sa lupa. Naniniwala sila na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang ordinaryong taong ito, ay walang silbi sa kanila. Lagi nilang iniisip, “Bago makinig sa mga sermon ni cristo, pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang lahat, at ayos ako sa lahat ng aspekto, ngunit pagkatapos makinig sa mga sermon ni cristo, iba na. Ngayon, pakiramdam ko ay wala akong anumang bagay, pakiramdam ko ay napakawalang-halaga ko at kaawa-awa ako.” Kaya, ipinagpapalagay nila na ang mga salita ni Cristo ay hindi sila ang inilalantad kundi ang iba, at iniisip nila na hindi na kailangan pang makinig sa mga sermon ni Cristo, na ang pagbabasa sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay sapat na. Sa puso ng mga anticristo, ang pangunahing layunin nila ay ang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang itatwa ang katunayan na ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan, iniisip nila na sa ganitong paraan ay may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at maaari silang maghari bilang mga hari sa iglesia, kaya natutugunan ang kanilang unang layunin sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga anticristo ay may kalikasan ng paglaban sa Diyos; sila ay di-kaayon ng nagkatawang-taong Diyos, tulad ng apoy sa tubig, walang hanggan ang kanilang hindi pagkakasundo. Iniisip nila na bawat araw na naririto si Cristo ay isang araw na mahirap para sa kanila na mamukod-tangi, at sila ay nasa panganib na makondena, matiwalag, mawasak, at maparusahan. Hangga’t hindi nagsasalita at hindi gumagawa si Cristo, at hangga’t ang mga hinirang na tao ng Diyos ay hindi tumitingala kay Cristo, kung gayon ang pagkakataon ng mga anticristo ay nasa kanila. May pagkakataon silang ipakita ang kanilang mga abilidad. Sa isang kumpas ng kamay, maraming tao ang lilipat sa kanilang panig, at ang mga anticristo ay makapaghahari. Ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at may pagkamuhi kay Cristo. Nakikipagkompitensiya sila kay Cristo kung sino ang mas may talento o sino ang mas magaling; nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung kaninong mga salita ang may higit na kapangyarihan at kaninong mga abilidad ang mas mahusay. Habang ginagawa nila ang parehong bagay na tulad ng kay Cristo, nais nilang ipakita sa iba na bagaman sila at Siya ay parehong tao, ang mga abilidad at karunungan ni Cristo ay hindi higit sa isang ordinaryong tao. Ang mga anticristo ay nakikipagkompetensiya kay Cristo sa lahat ng paraan, nakikipagpaligsahan kung sino ang mas magaling, at sinusubukang itanggi mula sa lahat ng anggulo ang katunayan na si Cristo ay Diyos, na Siya ang kumakatawan sa Espiritu ng Diyos, at na Siya ang kumakatawan sa katotohanan. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang paraan at hakbang sa bawat aspekto upang pigilan si Cristo na magkaroon ng kapangyarihan sa mga hinirang na tao ng Diyos, upang pigilan ang mga salita ni Cristo na maipalaganap o maipatupad sa mga hinirang na tao ng Diyos, at pigilan pa nga ang mga bagay na ginagawa ni Cristo at ang Kanyang mga hinihingi, at mga inaasahan sa mga tao na maisakatuparan sa mga hinirang na tao ng Diyos. Para bang kapag naririto si Cristo, sila ay binabalewala, at sila ay kinokondena at tinatanggihan ng iglesia—isang grupo ng mga taong binabalewala. Makikita natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na ayon sa diwa at disposisyon, sila ay palaging salungat kay Cristo—hindi sila puwedeng magsama! Ang mga anticristo ay kaaway na ng Diyos mula nang sila ay ipinanganak; sila ay narito upang labanan si Cristo, at nais nilang talunin at pabagsakin si Cristo. Nais nila na ang lahat ng gawain ni Cristo ay maging walang kabuluhan at walang saysay, upang sa huli, si Cristo ay hindi magkakamit ng maraming tao, at upang kahit saan man Siya gumawa, wala Siyang makukuhang resulta. Sa gayon lamang magiging masaya ang mga anticristo. Kung si Cristo ay nagpapahayag ng mga katotohanan, at ang mga tao ay nauuhaw para sa mga ito, hinahanap ang mga ito, malugod na tinatanggap ang mga ito, handang gugulin ang kanilang sarili para kay Cristo, talikdan ang lahat at ipalaganap ang ebanghelyo ni Cristo, ang mga anticristo ay nalulungkot at nararamdaman nilang wala nang pag-asa para sa hinaharap, na hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataon na sumikat, para bang sila ay itinapon sa impiyerno. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ang diwa ba nilang ito na labanan ang Diyos at tratuhin Siya nang may pagkamuhi ay itinuro sa kanila ng iba? Hinding-hindi; sila ay ipinanganak nang may ganito. Kaya, ang mga anticristo ay isang uri ng tao, na mula nang sila ay ipinanganak, ay ang reengkarnasyon ng diyablo, ang diyablo na dumating sa lupa. Hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, at hindi nila kailanman matatanggap si Cristo, dinadakila si Cristo, o hindi sila kailanman magpapatotoo kay Cristo. Bagaman sa panlabas, hindi mo sila makikita na hayagang hinahatulan o kinokondena si Cristo, at bagaman masunurin silang gumugugol ng kaunting pagsisikap at nagbabayad ng halaga, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kapag tamang oras na, ang pagsalungat ng mga anticristo sa Diyos ay ipapakita ng sarili nito. Ang katunayan na lumalaban ang mga anticristo sa Diyos at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ay maisasapubliko. Ang lahat ng bagay na ito ay nangyari na dati sa mga lugar kung saan may mga anticristo, at lalo nang dumalas ang mga ganitong kaganapan sa mga taon na ito kung kailan ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw; maraming tao ang nakaranas at nakasaksi sa mga ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)
Ang ilang tao ay talagang walang takot sa Diyos na puso. Naniniwala sila na ang mga gawain ng pagsasaayos ay isinulat ng tao, na ang mga ito ay nagmumula sa tao, at kung ang mga ito ay hindi umaayon sa mga haka-haka ng mga taong ito, binabago nila ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Alam ba ninyo kung alin sa mga atas administratibo ng Diyos ang nilalabag nito? (7. “Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagpapasakop sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagpapasakop lamang ang iyong dapat alalahanin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian).) Ang mga bagay na lumalabag sa mga atas administratibo ay mga bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi ba ninyo malinaw na nakikita iyan? Napakahambog ng saloobin ng ilang tao sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Naniniwala sila, “Ang itaas ang gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, at tayo ang gumagawa ng mga gawain sa iglesia. Ang ilang salita at gawain ay maaaring ipatupad nang pleksible. Nasa sa atin na kung paano partikular na gagawin ang mga ito. Ang itaas ay nagsasalita lamang at gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain; tayo ang mga gumagawa ng praktikal na aksyon. Kaya, pagkatapos na maibigay sa atin ng itaas ang gawain, magagawa na natin ito ayon sa ating kagustuhan. Ayos lang kahit paano man ito gawin. Walang sinuman ang may karapatang makialam.” Ang mga prinsipyong sinusunod nila ay ang mga sumusunod: Pinakikinggan nila ang pinaniniwalaan nilang tama at binabalewala ang pinaniniwalaan nilang mali, itinuturing nila ang kanilang mga paniniwala bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo, nilalabanan nila ang anumang hindi naaayon sa kanilang kalooban, at labis silang kumokontra sa iyo ukol sa mga bagay na iyon. Kapag ang mga salita ng Itaas ay hindi naaayon sa kanilang kalooban, binabago nila ang mga ito, at ipinapasa lamang nila ang mga ito sa iba kapag naaayon na ang mga ito sa kanilang kagustuhan. Hindi nila pinahihintulutang maipasa ang mga ito nang wala ang kanilang pagsang-ayon. Bagamat sa ibang lugar ay ipinapasa nang walang pagbabago ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, ang mga taong ito ay ipinapasa ang kanilang mga binagong bersyon ng mga pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Ninanais palagi ng mga gayong tao na isantabi ang Diyos; nananabik sila na ang lahat ay maniwala sa kanila, sumunod sa kanila, at magpasakop sa kanila. Sa kanilang isipan, may ilang larangan kung saan ang Diyos ay hindi nakakapantay sa kanila—kailangang maging Diyos din sila mismo, at kailangang maniwala sa kanila ang iba. Iyon ang kalikasan nito. Kung naunawaan ninyo ito, tatangis pa rin ba kayo kapag sila ay tinanggal? Maaawa pa rin ba kayo sa kanila? Iisipin pa rin ba ninyo, “Ang itaas ay kumilos nang hindi nararapat. Tinatrato nila nang hindi patas ang mga tao. Paano nila nagawang tanggalin ang gayong kasipag na tao?” Ang mga nagsasabi nito ay walang pagkilatis. Para kaninong kapakanan ba na sila ay nagsisipag? Para ba sa kapakanan ng Diyos? Para ba sa kapakanan ng gawain ng iglesia? Nagsisipag sila upang patibayin ang kanilang katayuan; nagsisipag sila upang makapagtayo ng mga nagsasariling kaharian. Naglilingkod ba sila sa Diyos? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? Sila ba ay tapat at mapagpasakop sa Diyos? Sila ay pawang mga alipores ni Satanas, at kapag sila ay gumagawa, ang diyablo ang naghahari. Sinisira nila ang plano ng pamamahala ng Diyos at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sila ay mga tunay na anticristo!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: “Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?” Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya isinasaalang-alang nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, “Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?” Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila, ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang kalikasang diwa.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalisyoso tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin ito. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa sa katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad sa katotohanan at nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kaya nga, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos. Higit pa rito, ang mga anticristo ay madalas na gumagawa ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang mga katunayan sa mga kapatid, minamaliit at kinokondena ang mga tao na nakapagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Anuman ang gawain ng mga taong iyon, naghahanap ang mga anticristo ng mga dahilan para ihiwalay at sugpuin sila, at na mapanghusga sa kanila, sinasabing mayabang at mapagmagaling sila, na gusto nilang magpakitang-gilas, at na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, “Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?” Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis. Dinadala ng mga anticristo ang mga taong ito sa kanilang panig para paglingkuran sila, maging abala para sa kanila, at gumugol ng bawat araw sa pag-ikot sa kanila. Ito ang nagbibigay sa mga anticristo ng kapangyarihan sa iglesia, at nangangahulugan ito na maraming tao ang lumalapit sa kanila, at sumusunod sa kanila, at na walang sinuman ang nangangahas na salungatin sila. Ang lahat ng mga taong ito na nililinang ng mga anticristo ay mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Karamihan sa kanila ay walang espirituwal na pang-unawa at walang alam kundi ang pagsunod sa panuntunan. Gusto nilang sinusundan ang mga uso at ang mga may kapangyarihan. Sila ay ang uri na lumalakas ang loob kapag nagkakaroon ng isang makapangyarihang amo—isang grupo ng mga taong magulo ang isip. Ano nga ba ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? Mas mabuti pang maging isang eskudero sa isang mabuting tao kaysa maging sinasambang ninuno ng isang masamang tao. Ganap na kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo—kumikilos sila bilang mga sinasambang ninuno ng gayong mga tao, at naghahanda para linangin ang mga ito bilang kanilang mga taga-wagayway ng watawat at tagapagpasaya. Sa tuwing may isang anticristo na nasa kapangyarihan sa isang iglesia, palagi silang mangangalap ng mga taong magulo ang isip at ang mga pikit-matang nagloloko bilang kanilang mga katulong, habang inihihiwalay at sinusugpo ang mga taong may kakayahan na nakauunawa at nagsasagawa ng katotohanan, na kayang gumawa ng trabaho—at lalo na ang mga lider at manggagawa na may kakayahan sa aktuwal na trabaho. Sa ganitong paraan, dalawang kampo ang nabubuo sa iglesia: Sa isang kampo ay ang mga medyo matapat ang pagkatao, na gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang kabilang kampo ay isang grupo ng mga taong magulo ang isip at pikit-matang nagloloko, na pinamumunuan ng mga anticristo. Ang dalawang kampong ito ay magpapatuloy sa pakikipaglaban sa isa’t isa hanggang sa ang mga anticristo ay mabunyag at maitiwalag. Ang mga anticristo ay palaging lumalaban at kumikilos laban sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan at naghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t lubha nitong nagugulo ang gawain ng iglesia? Hindi ba’t ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos? Ang puwersa bang ito ng mga anticristo ay hindi isang katitisuran at isang balakid na pumipigil sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa iglesia? Hindi ba’t ito ay isang buktot na puwersang sumasalungat sa Diyos? Bakit kumikilos ang mga anticristo sa ganitong paraan? Dahil sa isipan nila, malinaw na kung tatayo at magiging mga lider at manggagawa ang mga positibong karakter na ito, magiging mga katunggali sila ng mga anticristo; magiging salungat na puwersa sila sa mga anticristo, at talagang hindi sila makikinig sa mga salita ng mga anticristo o susunod sa kanila; talagang hindi nila susundin ang bawat utos ng mga anticristo. Sapat ang mga taong ito para maging banta sa katayuan ng mga anticristo. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga taong ito, lumilitaw ang poot sa kanilang puso; ang kanilang mga puso ay mawawalan ng kapayapaan at katiyakan kung hindi nila ihihiwalay at tatalunin ang mga taong ito at sisirain ang kanilang pangalan. Samakatuwid, dapat kumilos sila nang mabilis para linangin ang sarili nilang kapangyarihan at palakasin ang kanilang hanay. Sa ganitong paraan, mas makokontrol nila ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi na muling mag-aalala tungkol sa ilang naghahangad ng katotohanan na nagbabanta sa kanilang katayuan. Bumubuo ang mga anticristo ng sarili nilang puwersa sa iglesia, kinukuha ang mga nakikinig sa kanila, sumusunod sa kanila, at sipsip sa kanila, at itinataas sa katungkulan ang mga ito para mamahala sa bawat aspekto ng gawain. Ang paggawa ba nito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Hindi lamang ito hindi kapaki-pakinabang, lumilikha rin ito ng pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kung ang buktot na puwersang ito ay may higit sa kalahati ng mga tao sa panig nito, may tsansang mapababagsak nito ang iglesia. Ito ay dahil ang bilang ng mga naghahangad ng katotohanan sa iglesia nasa minorya lamang, samantalang ang mga trabahador at hindi mananampalataya na naroroon lamang para kumain hangga’t gusto nila ay hindi bababa sa kalahati. Sa sitwasyong ito, kung itutuon ng mga anticristo ang lakas nila sa panlilinlang at pang-aakit sa mga taong iyon sa kanilang panig, natural na magkakaroon sila ng higit na kapangyarihan kapag naghalal ang iglesia ng mga lider. Samakatuwid, palaging binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na sa panahon ng halalan, dapat na magbahagi tungkol sa katotohanan hanggang sa maging malinaw ito. Kung hindi mo magawang isiwalat at talunin ang mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, puwedeng iligaw ng mga anticristo ang mga tao at mahalal bilang lider, sinasakop at kinokontrol ang iglesia. Hindi ba’t iyon ay isang mapanganib na bagay? Kung isa o dalawang anticristo ang lumitaw sa iglesia, hindi ito magdudulot ng takot, pero kung ang mga anticristo ay magiging isang puwersa at magkakamit ng isang partikular na antas ng impluwensiya, magdudulot iyon ng takot. Samakatuwid, kailangang mabunot at mapatalsik ang mga anticristo sa iglesia bago nila makamit ang antas ng impluwensiyang iyon. Ang gawaing ito ay may pinakamataas na priyoridad, at kinakailangan itong gawin.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)
Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang palaging gamitin ang iba’t ibang kalakaran at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at hangarin, upang ilihis at siluhin ang mga tao, at upang magkamit ng mataas na katayuan para sundin at sambahin sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga ito. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan para hanapin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila na sa kanilang mga puso ay magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang ilihis ang mga tao, pasambahin ang mga ito at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Sila ay walang pasubaling anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa alinman sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, nananatili pa rin ang kanilang ambisyon at mga pagnanais, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Sila ay totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa mga anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, “Ang mga anticristo ay nakikipagpaligsahan sa Diyos upang magkamit ng mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.” Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagamat maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan at katayuan. Hindi nila kailanman isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o pinabayaan sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya anong masasabi mo, may anticristo na bang nagbago ng kanyang mga gawi at nagsimulang maghangad sa katotohanan dahil dumanas siya ng paghihirap, o nakaunawa siya ng kaunti sa katotohanan, at nagkaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos—may ganoon bang mga tao? Hindi pa tayo kailanman nakakita ng ganoon. Hindi kailanman magbabago ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo sa katayuan at kapangyarihan, at sa sandaling makahawak sila ng kapangyarihan, hindi na nila ito kailanman bibitiwan; tumpak nitong natutukoy ang kanilang kalikasang diwa. Walang ni katiting na pagkakamali sa pagtukoy ng Diyos sa ganoong mga tao bilang mga anticristo; natukoy ito ng mismong kalikasang diwa nila. Marahil ay may ilang taong naniniwala na sinusubukan ng mga anticristong makipagkompetensiya sa Diyos para sa sangkatauhan. Gayumpaman, minsan ay hindi naman talaga kailangang makipagkompetensiya ng mga anticristo sa Kanya; ang kanilang kaalaman, pang-unawa, at pangangailangan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi tulad ng sa mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay puwedeng maging hambog minsan; puwede nilang subukang makakuha ng pagkilala sa iba, subukang makapagbigay ng magandang impresyon sa mga ito, at subukang makipagkompetensiya para sa magandang posisyon. Ito ang ambisyon ng mga normal na tao. Kung papalitan sila bilang mga lider, mawawala ang kanilang katayuan, magiging mahirap ito para sa kanila, pero sa pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang kapaligiran, sa kaunting paglago ng kanilang tayog, sa pagtatamo ng kaunting pagpasok sa katotohanan, o sa pagkakamit ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan, unti-unting humuhupa ang kanilang ambisyon. Nagkakaroon ng pagbabago sa landas na tinatahak nila at sa direksyong tinutungo nila, at naglalaho ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Pati ang mga pagnanais nila ay unti-unting nababawasan. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo: Kahit kailan ay hindi nila kayang isuko ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Sa anumang oras, sa anumang kapaligiran, at kahit sino pang mga tao ang nasa paligid nila at kahit gaano pa katanda ang mga ito, hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais. Ano ang nagpapahiwatig na hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon? Sabihin natin, halimbawa, na lider sila ng iglesia. Sa kanilang puso, palagi nilang iniisip kung paano nila makokontrol ang lahat ng tao sa iglesia. Kung ililipat sila sa isa pang iglesia kung saan hindi sila ang lider, masaya ba silang maging normal na tagasunod? Tiyak na hindi. Iisipin pa rin nila kung paano magkakamit ng katayuan, at kung paano kokontrolin ang lahat ng tao. Saan man sila magpunta, ninanais nilang mamuno na parang hari. Kahit na ilagay sila sa isang lugar na walang mga tao, sa isang kawan ng mga tupa, gugustuhin pa rin nilang mamuno sa kawan. Kung isasama sila sa mga aso at pusa, gugustuhin nilang maging hari ng mga aso at pusa, at maghari sa mga hayop. Nilalamon sila ng ambisyon, hindi ba? Hindi ba’t malademonyo ang mga disposisyon ng ganoong mga tao? Hindi ba’t mga disposisyon ito ni Satanas? Ganoon lang talaga si Satanas. Sa langit, ninais ni Satanas na maging kapantay ng Diyos, at pagkatapos itapon sa lupa, palagi nitong sinusubukang kontrolin ang tao, para sambahin ito ng tao at ituring itong Diyos. Palaging ninanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao dahil mayroon silang satanikong kalikasan; namumuhay sila ayon sa kanilang satanikong disposisyon, na lumagpas na sa katwiran ng mga normal na tao. Hindi ba’t medyo abnormal ito? Ano ang tinutukoy ng abnormalidad na ito? Ibig sabihin nito ay hindi dapat makita sa normal na pagkatao ang pag-uugali nila. Kaya, ano ang pag-uugaling ito? Ano ang kumokontrol dito? Kinokontrol ito ng kanilang kalikasan. Taglay nila ang diwa ng isang masamang espiritu, at hindi katulad ng normal na tiwaling sangkatauhan. Ito ang pagkakaiba. Ang katunayang gagawin ng mga anticristo ang lahat para sa paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay hindi lamang naglalantad sa kanilang kalikasang diwa, kundi nagpapakita rin sa mga tao na ang kasuklam-suklam nilang mukha ay ang mismong mukha ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lamang sila nakikipagkompetensiya sa mga tao para sa katayuan, nangangahas din silang makipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan. Makukontento lang sila kapag naagaw na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at ganap nang napasailalim ang mga ito sa kanilang pagkontrol. Kahit pa sa aling iglesia o grupo ng mga tao nabibilang ang mga anticristo, gusto nilang magkaroon ng katayuan, humawak ng kapangyarihan, at mahikayat ang mga taong makinig sa kanila. Pumapayag man o sumasang-ayon ang mga tao, gusto ng mga anticristo na sila ang may huling pasya at na sundin at tanggapin sila ng mga tao. Hindi ba’t kalikasan ito ng isang anticristo? Payag ba ang mga taong makinig sa kanila? Inihahalal at nirerekomenda ba sila ng mga ito? Hindi. Pero gusto pa rin ng mga anticristo na sila ang may huling pasya. Sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristong magsalita at kumilos para sa mga ito, gusto nilang mapansin. Sinusubukan pa nga nilang ipilit sa mga tao ang mga ideya nila, at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, pipigain ng mga anticristo ang utak nila sa pagsubok na tanggapin ito ng mga tao. Ano ang problemang ito? Kawalan ito ng kahihiyan at pagiging garapal. Ang ganitong mga tao ay mga tunay na anticristo, at mga lider man sila o hindi, mga anticristo pa rin sila. Taglay nila ang kalikasang diwa ng isang anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao
Sa sandaling maging mga lider ang mga anticristo, ang unang bagay na ginagawa nila ay subukang kunin ang loob ng mga tao, hikayatin ang mga taong paniwalaan sila, pagkatiwalaan sila, at suportahan sila. Kapag sigurado na ang kanilang katayuan, nagsisimula na silang hindi maging normal. Para protektahan ang katayuan at kapangyarihan nila, sinisimulan nilang batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Sa mga sumasalungat—partikular sa mga taong naghahangad sa katotohanan—susubukan nila ang anumang bagay, gumagamit ng matatag, eksakto at di-natitinag na mga pamamaraan para pigilan at atakihin ang mga ito, para pahirapan ang mga ito. Mapapanatag lang sila kapag napabagsak at nasiraan na nila ang sinumang nagbabanta sa katayuan nila. Ganito ang bawat anticristo. Ano ang layon nila sa paggamit ng napakaraming taktikang ito para kunin ang loob at pigilan ang mga tao? Ang layon nila ay ang magkamit ng kapangyarihan, ang mapatatag ang kanilang katayuan, ang mailihis at makontrol ang mga tao. Ano ang kinakatawan ng mga layunin at motibo nila? Gusto nilang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian, gusto nilang tumindig laban sa Diyos. Mas malala pa ang ganitong diwa kaysa sa tiwaling disposisyon: Lubusan nang nalantad ang mga ambisyon at mga taksil na pakana ni Satanas. Hindi lamang ito problema ng pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Halimbawa, kapag medyo mayabang at mapagmagaling ang mga tao, o kung minsan ay medyo mapanlinlang at nagsisinungaling, mga pagpapakita lang ang mga ito ng isang tiwaling disposisyon. Samantala, ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para kunin ang loob ng mga tao, para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, patatagin ang kanilang katayuan, agawin ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao. Ano ang diwa ng mga aksyong ito? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? Inaakay ba nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpasok sa mga salita ng Diyos at pagharap sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon ano ang ginagawa nila? Nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, nakikipagpaligsahan para sa puso ng mga tao, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian. Sino ang dapat na may puwang sa puso ng mga tao? Ang Diyos ang dapat na may puwang. Pero talagang kabaligtaran nito ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila pinapayagan ang Diyos o ang katotohanan na magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao; sa halip, gusto nilang ang tao, ang pagkalider nila, at si Satanas ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Sa sandaling matuklasan nilang wala silang puwang sa puso ng isang tao, na hindi sila tinatratong lider ng taong ito, labis silang nagagalit, at malamang na susubukan nilang pigilan at pahirapan ito. Ang lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga anticristo ay umiikot sa katayuan at reputasyon nila, at nilalayon nitong maging mataas ang tingin ng mga tao sa kanila, para kainggitan at sambahin sila ng mga tao—para katakutan pa nga sila ng mga tao. Gusto nilang itrato sila ng hinirang na mga tao ng Diyos na parang ang Diyos, iniisip na, “Saang iglesia man ako kabilang, dapat makinig sa akin ang mga tao, dapat nilang sundin ang mga payo ko. Sinuman ang mag-ulat sa itaas ng kung anong problema, dapat itong dumaan sa akin, pinapayagan lang silang gumawa ng mga ulat sa akin, at hindi direktang sa itaas. Kung may sinumang ‘humindi’ sa akin, paparusahan ko siya, para makaramdam ng takot, pangamba, at nginig sa kanilang puso ang lahat ng makakakita sa akin. Higit pa rito, kung magbigay ako ng utos o maggiit ng isang bagay, walang dapat mangahas na tumutol; anuman ang sabihin ko, dapat sumunod dito ang mga tao. Dapat silang lubusang makinig sa akin, dapat nila akong sundin sa lahat ng bagay, at ako dapat ang nagdedesisyon doon.” Ito mismo ang tono ng pananalita ng mga anticristo, ito ang boses ng mga anticristo, ganito sinusubukang pagharian ng mga anticristo ang mga iglesia. Kung ginagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang sinasabi nila at sinusunod sila ng mga ito, hindi ba’t nagiging mga kaharian ng mga anticristo ang ganitong mga iglesia? Sinasabi nila, “Kailangan kong tingnan ang mga pagsasaayos ng gawain na ibinigay ng itaas, dapat kong akuin ang pananagutan para sa inyo, ako dapat ang sumusuri sa tama at mali, ako dapat ang magpapasya sa magiging kinalabasan. Hindi sapat ang tayog ninyo, at hindi sapat ang kwalipikasyon ninyo. Ako ang lider ng iglesia at nakadepende sa akin ang lahat.” Hindi ba’t nagiging labis na hambog ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Talagang napakayabang nila na wala silang anumang katwiran! Hindi ba’t sinusubukan nilang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian? Anong uri ng mga tao ang malamang na sumubok na lumikha ng sarili nilang kaharian? Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Hindi ba’t ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang sarili nilang katayuan? Hindi ba nila sinusubukang ilihis at kontrolin ang mga tao? Bakit sila tinawag na mga anticristo? Ano ang ibig sabihin ng “anti”? Ang ibig sabihin nito ay pagsalungat at pagkamuhi. Nangangahulugan itong paglaban kay Cristo, paglaban sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “paglaban”? Nangangahulugan itong pagtindig sa kabilang panig, pagtrato sa iyo na parang kaaway, na para bang punong-puno ng napakalaki at malalim na pagkamuhi ang isang tao; nangangahulugan itong maging nasa lubos na pagsalungat sa iyo. Ganito ang mentalidad ng mga anticristo sa paglapit sa Diyos. Anong saloobin sa katotohanan ang mayroon ang ganitong mga tao na namumuhi sa Diyos? Nagagawa ba nilang mahalin ang katotohanan? Nagagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Samakatwid, ang mga taong tumitindig bilang salungat sa Diyos ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Ang numero unong bagay na makikita sa kanila ay pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Sa sandaling marinig nila ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos, may pagkamuhi sa puso nila, at kapag binabasa ng sinuman ang mga salita ng Diyos sa kanila, lilitaw sa mga mukha nila ang pagpapahayag ng galit at ngitngit, gaya ng kapag binabasa ang mga salita ng Diyos sa isang demonyo kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao. Sa puso nila, ang mga taong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang nakakaramdam ng pinakamatinding pagtutol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang sa kanila ay saloobin ng paglaban, at umaabot pa nga sila hanggang sa kamuhian ang sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa kanila o nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, tinatrato pa nga nilang kaaway ang taong iyon. Nakakaramdam sila ng matinding pagtutol sa iba’t ibang katotohanan, at sa mga positibong bagay. Ang lahat ng katotohanan gaya ng pagpapasakop sa Diyos, tapat na paggawa ng mga tungkulin ng isang tao, pagiging matapat na tao, paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at iba pa—may kaunti ba silang subhetibong paghahangad o pagmamahal? Wala, wala ni katiting. Samakatwid, dahil ganito ang kalikasang diwa nila, tumatayo na sila sa direktang pagsalungat sa Diyos at sa katotohanan. Walang duda, sa kaibuturan, hindi minamahal ng ganitong mga tao ang katotohanan o anumang positibong bagay; sa kaibuturan, nararamdaman pa nga nilang tutol sila sa katotohanan at namumuhi sila rito. Halimbawa, kailangang magawa ng mga taong nasa posisyon ng pamumuno na tanggapin ang magkakaibang opinyon ng mga kapatid nila, dapat nilang magawang buksan ang kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili sa mga kapatid, at magawang tanggapin ang paninisi ng mga ito, at hindi nila dapat igiit ang kanilang katayuan. Ano ang sasabihin ng isang anticristo sa lahat ng wastong paraang ito ng pagsasagawa? Sasabihin nila, “Kung nakinig ako sa opinyon ng mga kapatid, magiging lider pa rin ba ako? Magkakaroon pa rin ba ako ng katayuan at katanyagan? Kung wala akong katanyagan, anong gawain ang magagawa ko?” Ito mismo ang uri ng disposisyong tinataglay ng isang anticristo; hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit pa sa pinakamaliit na paraan, at kapag mas tama ang paraan ng pagsasagawa, lalo niya itong nilalabanan. Hindi niya tinatanggap na ang pagkilos ayon sa prinsipyo ay pagsasagawa ng katotohanan. Ano ba sa tingin niya ang pagsasagawa ng katotohanan? Sa palagay niya ay kailangan niyang gumamit ng pagbabalak, mga panlilinlang, at karahasan sa lahat, sa halip na sumandig sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa pagmamahal. Ang bawat paraan at landas niya ay buktot. Ang lahat ng ito ay ganap na kumakatawan sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang mga motibo, opinyon, pananaw, at layuning madalas nilang inilalantad ay mga disposisyon lahat ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, na siyang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng pagtindig bilang pagsalungat sa katotohanan at sa Diyos? Nangangahulugan itong pagkamuhi sa katotohanan at mga positibong bagay. Halimbawa, kapag may nagsabi, “Bilang isang nilikha, dapat tuparin ng isang tao ang tungkulin ng isang nilikha. Anuman ang maaaring sabihin ng Diyos, dapat magpasakop ang mga tao, dahil mga nilikha tayo,” paano mag-isip ang isang anticristo? “Magpasakop? Hindi walang katotohanan na isa akong nilikha, pero pagdating sa pagpapasakop, depende iyan sa sitwasyon. Una sa lahat, dapat may ilang benepisyo diyan para sa akin, hindi ako dapat malagay sa alanganin, at dapat mauna ang mga interes ko. Kung may mga gantimpala o malalaking biyaya na makakamit, kaya kong magpasakop, pero kung walang mga gantimpala at walang destinasyon, bakit dapat akong magpasakop? Hindi ko kayang magpasakop.” Isa itong saloobin ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang pagpapasakop nila sa Diyos ay may kondisyon, at kung hindi matugunan ang mga kondisyon nila, hindi lang sa hindi sila magpapasakop, malamang din na tumutol at lumaban sila sa Diyos. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, pero naniniwala ang mga anticristong ito na tanging mga hangal lang ang sumusubok na maging matapat, at na hindi sinusubukan ng matatalinong tao na maging matapat. Ano ang diwa ng ganoong saloobin? Pagkamuhi ito sa katotohanan. Ganoon ang diwa ng mga anticristo, at itinatakda ng diwa nila ang landas na lalakaran nila, at itinatakda ng landas na nilalakaran nila ang lahat ng ginagawa nila. Kapag tinataglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, anong mga uri ng mga bagay ang malamang na gawin nila? Malamang na subukan nilang kunin ang loob ng mga tao, batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, at pahirapan ang mga tao. Ang layuning sinusubukan nilang makamit sa paggawa ng mga bagay na ito ay ang humawak ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian. Dito ay walang duda. Ang sinumang tao na, kapag may katayuan na siya, ay walang kakayahang lubusang magpasakop sa Diyos, at hindi magawang sumunod sa Diyos o hangarin ang katotohanan, ay isang anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kunin ang Loob ng mga Tao
Ang karaniwang pag-uugali ng mga anticristo sa pagpupungos ay masidhing tanggihang tanggapin o aminin iyon. Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila o gaano mang pinsala ang ginagawa nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi sila nakakaramdam ni katiting na pagsisisi o na may pagkakautang silang ano man. Mula sa pananaw na ito, mayroon bang pagkatao ang mga anticristo? Talagang wala. Nagdudulot sila ng samu’t saring pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia—kitang-kita itong maliwanag pa sa sikat ng araw ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nakikita nila ang sunod-sunod na masasamang gawa ng mga anticristo. At gayumpaman hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito; nagmamatigas silang tumatangging aminin na mali sila o na sila ang may pananagutan. Hindi ba’t isa itong indikasyon na tutol sila sa katotohanan? Ganoon na lamang katindi ang pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, matigas silang tumatangging aminin ito, at nananatili silang hindi nagpapasakop hanggang sa huli. Sapat nitong pinatutunayan na hindi kailanman sineseryoso ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos o tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila narito para maniwala sa Diyos; mga kampon sila ni Satanas, na naparito para gambalain at guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang managot, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng “magkaila hanggang mamatay.” Paano man sila inilalantad o hinihimay-himay ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila para itanggi ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Paghamak at pagiging iresponsable. Walang-wala silang konsensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay nagpapatunay sa kanilang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang buhay pagpasok ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman nababahala tungkol dito. Anong uri ng nilikha ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsensiya at katwiran ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang mga anticristo ay mga diyablo sa diwa. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi nila ito ikinalulungkot ni bahagya sa kanilang mga puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Sila ay mga diyablo, at ang mga diyablo ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, at kahit gaano kalaking mga kawalan ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, mariin nilang tinatangging aminin ito. Naniniwala sila na ang pag-amin dito ay nangangahulugang may nagawa silang mali. Iniisip nila, “Makakagawa ba ako ng mali? Hindi ako kailanman gagawa ng mali! Kung ipapaamin sa akin ang pagkakamali ko, hindi ba’t isang insulto iyon sa aking pagkatao? Bagamat sangkot ako sa insidenteng iyon, hindi ako ang nagpasimuno nito, at hindi ako ang pangunahing responsable rito. Hanapin mo ang sinumang gusto mo, pero hindi dapat ako ang hinahanap mo. Anumang mangyari, hindi ko pwedeng aminin ang pagkakamaling ito. Hindi ko pwedeng pasanin ang responsabilidad na ito!” Iniisip nila na sila ay kokondenahin, sesentensiyahan ng kamatayan, at ipapadala sa impiyerno at sa lawa ng apoy at asupre kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng mga ganitong tao ang katotohanan? Makakaasa ba ang isang tao na tunay siyang magsisisi? Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, nilalabanan pa rin ito ng mga anticristo, ipinupuwesto nila ang kanilang sarili laban dito, at sinusuway ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kahit pagkatapos silang tanggalin, hindi pa rin nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang ipinapakitang anumang pagpapamalas ng pagsisisi. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 10 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at hindi pa rin nila inaamin na nagkamali sila. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 20 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili. At ang mas kasuklam-suklam pa, nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 30 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili, sinasabing: “Hindi ako nagkamali, kaya hindi ko pwedeng aminin ito. Hindi ko ito responsabilidad; hindi ko dapat pasanin ito.” At sa gulat ng lahat, 30 taon pagkatapos silang tanggalin, nagkikimkim pa rin ang mga anticristong ito ng isang saloobin ng paglaban sa paraan ng pangangasiwa sa kanila ng iglesia. Kahit na pagkatapos ng 30 taon, hindi man lang sila nagbago. Kung gayon, paano nila ginugol ang 30 taon na iyon? Maaari kayang hindi nila binasa ang salita ng Diyos o pinagnilayan ang kanilang sarili? Maaari kayang hindi sila nanalangin o nagtapat ng saloobin sa Diyos? Maaari kayang hindi sila nakinig sa mga sermon at pagbabahaginan? Maaari kayang hindi sila nag-iisip, at hindi nagtataglay ng pag-iisip ng isang normal na pagkatao? Tunay na isang misteryo kung paano nila ginugol ang 30 taon na iyon. Tatlumpung taon pagkatapos mangyari ang insidente, puno pa rin sila ng sama ng loob, iniisip na inagrabyado sila ng kanilang mga kapatid, na hindi sila nauunawaan ng Diyos, na hindi sila trinato nang maayos ng sambahayan ng Diyos, naglikha ito ng mga problema para sa kanila, pinahirapan sila, at hindi makatarungang pinagbintangan sila. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang magbago ng mga ganitong tao? Tiyak na hindi nila kayang magbago. Ang puso nila ay puno ng pagkamapanlaban sa mga positibong bagay, at ng paglaban at pagsalungat. Naniniwala sila na, sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang masasamang gawa at pagpupungos sa kanila, sinisira ng ibang tao ang kanilang pagkatao, dinudungisan ang kanilang reputasyon, at dinudulutan ng napakalaking pinsala ang kanilang reputasyon at katayuan. Hindi sila kailanman lalapit sa Diyos para manalangin, maghanap, at kilalanin ang kanilang sariling mga pagkakamali sa usaping ito, at hindi sila kailanman magkakaroon ng saloobin ng pagsisisi o pag-amin sa kanilang mga pagkakamali. Lalong hindi nila tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Ngayon, nagkikimkim pa rin sila ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at mga hinaing habang pinangangatwiranan ang kanilang sarili sa Diyos, at hinihiling sa Diyos na ituwid ang mga kamaliang ito, na ibunyag ang usaping ito, at hatulan kung sino talaga ang tama at sino ang mali, hanggang sa puntong pinagdududahan at itinatatwa pa nga nila ang pagiging matuwid ng Diyos dahil sa usaping ito, at pinagdududahan at itinatatwa ang katunayan na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at ng Diyos. Ito ang huling kalalabasan ng pagpungos sa mga anticristo—tinatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; determinado silang hindi tanggapin ito. Mula rito, makikita natin na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Pinaka-interesado ang mga anticristo sa mga materyal na bagay, pera, at katayuan. Tiyak na hindi sila katulad nang kung paano sila nagsasalita sa panlabas, “Naniniwala ako sa diyos. Hindi ko hinahangad ang mundo, at hindi ako nag-iimbot ng pera.” Talagang hindi sila katulad nang sinasabi nila. Bakit nila hinahangad at pinananatili ang katayuan nang buo nilang lakas? Dahil gusto nilang angkinin, o kontrolin at agawin, ang lahat ng nasasakupan nila—pera at mga materyal na bagay, sa partikular. Tinatamasa nila ang pera at mga materyal na bagay na ito na para bang benepisyo ang mga ito ng kanilang katayuan. Mga tunay na inapo sila ng arkanghel, na may kalikasang diwa ni Satanas sa pangalan at sa katunayan. Ang lahat ng naghahangad sa katayuan at nagpapahalaga sa pera ay tiyak na may problema sa kanilang disposisyong diwa. Hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lang nila ng disposisyon ng anticristo: Napaka-ambisyoso nila. Gusto nilang kontrolin ang pera ng sambahayan ng Diyos. Kung ginawa silang responsable para sa isang aytem ng gawain, kung gayon una sa lahat, hindi nila hahayaang makialam ang iba, at hindi rin sila tatanggap ng mga tanong o ng pangangasiwa mula sa Itaas; higit pa riyan, kapag sila ang mga superbisor ng anumang aytem ng trabaho, hahanap sila ng mga paraan para ipagyabang ang sarili nila, protektahan ang sarili nila, at iangat ang sarili nila. Palagi nilang gustong mangibabaw, para maging mga taong namamahala at kumokontrol sa iba. Nais din nilang humawak at makipagtagisan para sa mas mataas na katayuan, at maging ang kontrolin ang bawat bahagi ng sambahayan ng Diyos—ang pera nito, lalo na. May espesyal na pagmamahal ang mga anticristo sa pera. Kapag nakikita nila ito, nagliliwanag ang kanilang mga mata; sa kanilang isipan, palagi silang nag-iisip tungkol sa pera at nagsusumikap para dito. Ang lahat ng ito ay mga palatandaan at senyales ng mga anticristo. Kung makikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, o susubukang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng gayong mga tanong gaya ng kung ilan sa kanila ang mahina at negatibo, ano ang mga resultang nakukuha ng bawat isa sa kanila sa kanilang tungkulin, at sino sa kanila ang hindi nababagay sa kanilang tungkulin, hindi magiging interesado ang mga anticristo. Subalit pagdating sa mga handog sa Diyos—ang halaga ng pera, sino ang nag-iingat nito, kung saan ito itinatago, ang mga passcode nito, at iba pa—ito ang pinakamahalaga sa kanila. May pambihirang kaalaman ang anticristo sa mga bagay na ito. Alam niya ang mga ito tulad ng likod ng kanyang kamay. Tanda rin ito ng isang anticristo. Pinakamahusay ang mga anticristo sa pagsasalita ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan, subalit hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, palagi silang abala sa pag-iisip ng tungkol sa paggamit ng mga handog sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t imoral ang mga anticristo? Wala talaga silang pagkatao—mga diyablo sila sa bawat aspekto.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Paglalantad sa Katotohanan ng Paglaban ng mga Pariseo sa Diyos
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Pagkatutong Matukoy ang Isang Anticristo
Mag-ingat! Nasa Paligid Mo ang mga Anticristo!
Kaugnay na mga Himno
Ang Basehan ng Diyos para Kondenahin ang mga Tao
Yaong Mga Hindi Kilala ang Diyos ay Sumasalungat sa Diyos