Tanging ang Isang Tao na Maayos na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos

Nabubunyag sa pagganap ng tungkulin ng isang tao kung siya ay tunay na may pananampalataya sa Diyos. Upang matukoy kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, obserbahan ninyo kung ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may prinsipyo. Ang ilang tao ay walang anumang prinsipyo kapag gumaganap ng tungkulin nila. Palagi nilang sinusunod ang sarili nilang mga hilig at kumikilos sila nang pabasta-basta. Hindi ba’t pagpapakita ito ng pagiging pabaya? Hindi ba’t nililinlang nila ang Diyos? Kahit kailan ba ay naisaalang-alang na ninyo ang mga kahihinatnan ng gayong pag-uugali? Hindi kayo nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagganap ninyo sa tungkulin. Wala kayong pakundangan at hindi kayo epektibo sa lahat ng inyong ginagawa, wala kayong buong-pusong dedikasyon at pagsisikap. Matatamo ba ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos sa ganitong paraan? Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin nang may pag-aatubili, at hindi nila kayang magpursige. Hindi nila matiis ang kahit katiting na pagdurusa at lagi nilang nararamdaman na naagrabyado sila nang husto, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga paghihirap. Masusundan ba nila ang Diyos hanggang sa huli sa pagganap ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan? Ayos lang ba na maging pabaya sa anumang ginagawa nila? Magiging katanggap-tanggap ba ito sa konsiyensiya? Kahit na sukatin ayon sa mga pamantayan ng tao, hindi katanggap-tanggap ang gayong asal—kaya pwede ba itong maituring na kasiya-siyang pagganap sa tungkulin? Kung gagampanan mo ang tungkulin mo sa ganitong paraan, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Hindi magiging kasiya-siya ang pagtatrabaho mo. Kung magkagayon, paano mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Maraming tao ang takot sa paghihirap kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, masyado silang tamad at nagnanasa ng kaginhawahan ng katawan. Hindi sila kailanman nagsusumikap na matutunan ang mga kasanayan na pang-espesyalista o mapagnilay-nilayan ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay nakakabawas ng abala. Hindi nila kailangang magsaliksik pa o humingi ng payo kaninuman. Hindi nila kailangang gamitin ang utak nila o mag-isip nang malalim. Dahil dito ay hindi na nila kailangan pang magsumikap nang husto at hindi na nahihirapan ang kanilang katawan, at nagagawa pa rin nilang matapos ang gawain. At kung pupungusan mo sila, nagiging mapanlaban sila at nakikipagtalo sila: “Hindi ako tamad o walang ginagawa, natapos na ang gawain—bakit naghahanap ka pa ng maipipintas? Hindi ba’t hinahanapan mo lang ako ng mali? Maayos na ang paggawa ko sa ganitong pagganap sa tungkulin ko. Paanong hindi ka pa nasisiyahan?” Tingin ba ninyo ay makakausad pa ang ganitong mga tao? Palagi silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at palagi silang maraming palusot. Kapag may lumilitaw na mga problema ay ayaw nilang tukuyin ito ng sinuman. Anong klase ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ni Satanas? Magagampanan ba ng mga tao ang kanilang tungkulin nang katanggap-tanggap kapag gayon ang kanilang disposisyon? Mapapalugod ba nila ang Diyos? Ganito ba ninyo gampanan ang inyong tungkulin? Sa panlabas ay mukhang abala kayo, nakikipagtulungan nang maayos sa iba nang walang anumang pagtatalo. Gayunpaman, wala sa inyo ang nagsusumikap sa inyong tungkulin, pinag-iisipan ito nang matindi, o nag-aabala rito. Wala sa inyo ang nawawalan ng ganang kumain o napupuyat dahil hindi ninyo nagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin. Wala sa inyo ang naghahanap sa katotohanan o sumusunod sa mga prinsipyo upang lutasin ang mga problema. Lahat kayo ay nakararaos lamang, pabasta-bastang gumagawa nang wala sa loob. Kakaunti lang sa inyo ang umaako ng tunay na responsabilidad sa inyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na dumarating, hindi kayo nagtitipon-tipon upang taimtim na magdasal o hindi ninyo hinaharap ang mga problema at nilulutas ang mga iyon nang sama-sama. Walang pagsasaalang-alang para sa kalalabasan. Tinatapos lamang ninyo basta ang isang gawain, pagkatapos ay malalaman ninyo na kailangan itong ulitin. Ang paggawa nang ganito sa inyong tungkulin ay pagkilos lamang nang pabasta-basta at walang kaibahan sa paggawa ng mga walang pananampalataya sa kanilang mga trabaho. Ito ang saloobin ng isang taong trabahador. Sa pagganap sa inyong mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi rin ninyo taos-pusong iginugugol ang inyong sarili para sa Diyos. Kung hindi ninyo babaguhin ang pag-iisip na ito, sa huli ay mabubunyag at maititiwalag lang kayo.

Sa bawat gawaing inyong tinatanggap, sa bawat proyektong inyong natatapos, ano-ano ang mga paghihirap na inyong tinitiis? Kahit kailan ba ay nakaranas na kayo ng mga araw na walang maayos na pagkain, na walang maayos na tulog, mga araw kung saan nagsakripisyo kayo ng pahinga at pagkain? May napagtagumpayan na ba kayong anumang personal na paghihirap? Nakapagbayad na ba kayo ng anumang halaga? May ilang tao na matapos gumanap sa kanilang tungkulin ay hindi na makatulog nang tuloy-tuloy sa magdamag dahil sa sobrang pagod. Bakit hindi sila makatulog? Ito ay dahil pakiramdam nila, hindi nila taglay ang katotohanang kinakailangan upang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at nagiging matrabaho ito para sa kanila. Nababalisa sila, pakiramdam nila, kung hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, nangangahulugan itong hindi nila ito nagampanan nang matapat. Nababalisa at nauusig sila ng kanilang konsiyensiya. Habang kumakain ang iba, iniisip nila: “Paano ko ito mapagbubuti? Noong huli, nagkamali na naman ako sa aspetong iyon. Hindi ko sinuri nang maayos ang mga bagay-bagay. Ano ang dapat kong gawin tungkol dito? Hindi lamang ito usapin ng pagtitiis sa pagpupungos; tungkol ito sa hindi ko pagtupad sa mga responsabilidad ko.” Nakikita nilang nasisiyahan ang iba sa pagkain, ngunit sila mismo ay walang ganang kumain. Laging abala ang kanilang isipan sa kung paano magagampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin. Hindi ba’t pagsasapuso ito sa kanilang tungkulin? Hindi ba’t pagsusumikap ito? (Oo.) Kahit kailan ba ay nagsikap na kayo nang ganoon? Kung wala ka ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, kung kaya mong gumawa ng mga maling bagay o kumilos nang pabasta-basta nang hindi ka inuusig ng iyong konsiyensiya, nang walang anumang kamalayan, paano ka makapagsasalita tungkol sa debosyon? Hindi mo talaga iyon magagawa. Kung ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang isang tungkuling gahol na sa oras at kailangan nang matapos sa lalong madaling panahon, paano mo ito isasakatuparan? Kung iniraraos mo lang ang gawain nang hindi nag-iisip, nang hindi nagsasaliksik, nang hindi naghahanap ng pagbabahagi mula sa mga taong maraming kaalaman; kung nagpapalipas ka lamang ng oras, anong uri ng saloobin ang dala mo sa iyong tungkulin? Inaayunan mo lang ang mga bagay-bagay ngunit hindi ito taimtim sa iyong puso. Ano ba ang ibig sabihin ng hanggang salita lang? Ibig sabihin nito ay masarap pakinggan ang sinasabi mo, ngunit pakitang-tao lamang ito; binibigyan nito ang mga tao ng maling impresyon o sadyang inililigaw sila upang isipin nilang nagdurusa ka, na napakaingat at napakasipag mo, gayong sa realidad, ni hindi mo talaga ito pinag-isipan. Kung tunay mo itong pag-iisipan, kung isasapuso mo ito, kung tunay na dedikado ka sa iyong tungkulin, dapat kang kumilos. Paano ka dapat kumilos? Kailangan mong magpakaabala, magsaliksik, o magbasa pa tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. O dapat kang kumonsulta sa mga taong maraming kaalaman na dalubhasa sa larangang iyon. Kung minsan, sa labis na pagkaabala mo ay mawawalan ka na ng oras para kumain, ngunit habang abala ka, hindi mo pa rin dapat kalimutang magdasal at umasa sa Diyos. Sa sandaling nakahanap ka na ng landas pasulong at medyo naunawaan mo na ang mga prinsipyo, oras na para magsimulang gumawa. Makalipas ang ilang araw ay makagagawa ka ng bagay na pasok sa pamantayan, at magiging tagumpay iyon. Kung hindi mo ito pagsusumikapan nang ganoon at sa halip ay haharapin ito nang may pabasta-bastang saloobin, maaaring may magawa ka pagkalipas ng ilang araw, ngunit ano ang magiging kalidad nito? Sa panlabas ay maaaring magmukha itong katanggap-tanggap, nang walang kapansin-pansing kapintasan. Ngunit hindi ito magiging isang obra maestra. Hindi ito magiging isang bagay na metikulosong nilikha, kundi isang gawaing hindi pulido. Kung magpapasa ka ng isang bagay na natapos mo sa isang pabaya paraan, kailanman ba ay maituturing itong katanggap-tanggap? Sa huli, kakailanganin mo lang itong ulitin, at hindi ba’t maaantala lamang niyon ang mga bagay-bagay?

May ilang taong gumagawa ng mga bagay-bagay sa isang bara-barang paraan. Hindi nila isinasapuso ang anumang bagay; pabasta-basta ang saloobin nila. Ang gayong mga tao ay may masamang mentalidad. Nakararamdam ba ng anumang pananagutan ang isang taong may masamang mentalidad? (Hindi.) Sa kabaligtaran, ang isang tao bang walang pagpapahalaga sa responsabilidad ay malamang na magkaroon ng maganda o masamang mentalidad? (Masama.) Ang isang iresponsableng tao ay isang taong may masamang mentalidad! Hinaharap niya ang lahat ng bagay nang may pabasta-bastang saloobin, nang hindi ninanais na umako ng responsabilidad o magbayad ng anumang uri ng halaga upang makakuha ng mga resulta. Maituturing bang katanggap-tanggap ang pagganap sa iyong tungkulin nang may ganoong uri ng saloobin? (Hindi ito katanggap-tanggap.) May mga hinihingi at pamantayan ba para sa katanggap-tanggap na pagganap sa iyong tungkulin pagdating sa oras? May mga hinihingi o pamantayan ba sa pagganap sa iyong tungkulin, pagdating sa iyong saloobin? Sinasabi ng ilang tao: “May mga pamantayan ako. Ang una ay huwag pagurin ang sarili ko, ang pangalawa ay huwag magpagutom, at ang pangatlo ay huwag ipahamak ang sarili. Kung hindi pa dumarating ang iba, hindi ako maaaring dumating nang maaga; hindi ako ang mauuna roon. Kung ginagampanan pa ng iba ang kanilang tungkulin, iisipin ko kung paano ko matatapos ang mga bagay-bagay at paano ako makapagpapahinga. Hindi ako magtitiis ng anumang paghihirap na hindi tinitiis ng iba, at magdurusa lamang ako nang kapantay ng kaya ng iba. Kung may bagay na ginagawa ng lahat, gagawin ko rin ito. Ngunit kung wala silang anumang ginagawa, wala rin akong gagawin.” Anong uri ng mga pamantayan ang mga ito? (Masasamang pamantayan.) Sinasabi ng ilang tao: “Kung masama ang lagay ng loob ko, ipagpapaliban ko muna ang tungkulin ko. Babawasan ko ang oras ng trabaho ko at kapag kailangan ang tulong ko, hindi ko kailangang maging masyadong maagap. Pagkatapos, kapag mas maganda na ang lagay ng loob ko, magiging mas tutok na ako.” Paano naman ang mga pamantayang ito? (Hindi ito maganda; nakasalalay ang kanilang gawain sa lagay ng kanilang loob.) At may iba namang nagsasabing: “Kung tatratuhin ako nang mabuti ng lahat at gagawin ang gusto ko kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, at kung walang sinumang magpupungos sa akin kahit pa magkamali ako, ayos lang iyon, at gugugol ako ng mga pitumpung porsiyento ng pagsisikap. Ngunit kung may pupuna sa akin o tutukoy ng aking mga kamalian, mawawalan na ako ng ganang gampanan nang maayos ang aking tungkulin, at magtatago na lang ako.” Ano ang palagay ninyo sa saloobing ito? (Masama ito.) May ilan ding nagsasabing, “Walang sinumang makapagdidikta sa akin ng kahit na ano pagdating sa pagganap sa aking tungkulin. Kusang-loob ko lang itong gagawin. May dignidad ako sa sarili ko, at kung patuloy akong pipilitin ng sinuman na gampanan ang aking tungkulin, gumigiit ng kahusayan sa gawain, hindi ko ito susundin. Kung lagi nilang sinasabing sumasalungat ako sa mga prinsipyo, binibigyan lang nila ako ng mga problema at pinahihirapan ako. Kung patuloy nilang gagamitin ang mga katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos upang diktahan ako, mapipigilan ako ng mababa kong tayog na magawa ang mga iyon. Ibibigay ko ang lahat ko upang magawa ang kaya ko, pero huwag ninyo akong pilitin kapag higit sa kakayahan ko ang isang bagay. Kung gagawin ninyo iyon, susuko at aalis na lang ako, at babalik ako kapag tumigil na kayo sa pamimilit sa akin.” Kumusta ang saloobing iyon? (Masama.) Wala sa mga saloobing ito ang mabuti—malinaw at alam iyon ng lahat. Kung gayon ay paano ninyong lahat ginagampanan ang inyong mga tungkulin? Nagpapakita ba kayo ng alinman sa mga pag-uugaling ito? Kayo ay walang pagpipigil, mapagmatigas, mapagmataas at mapagmatuwid, ayaw makinig sa kahit na kanino, kumikilos lang nang pabasta-basta. Hindi seryoso ang saloobin ninyo sa anumang bagay. Umaasta kayong mataas kapag may katiting kayong talento at kapag may anumang maliit na bagay na hindi umaayon sa kagustuhan ninyo, nagmamaktol at nagtatampo kayo, at ayaw na ninyong magtrabaho. Palagi ninyong pinag-iisipang isuko ang pagganap sa inyong tungkulin. Kahit kailan ba ay kumilos na kayo nang ganito? (Oo.) Kapag kumikilos nga kayo nang ganito, nagbabahaginan ba kayo sa isa’t isa at sumusubok na lutasin ang mga suliraning ito? Nagagampanan ba nang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin kapag may mga ganoong suliranin? Nagagampanan ba nila ang kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan at nabibigyang-lugod ba nila ang Diyos? Malinaw na hindi nila ito nagagawa.

Anumang uri ng tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, isa itong praktikal na problema, at masisira nito ang kanyang epektibong pagganap sa tungkuling iyon. Kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ito agad. Kung mananatiling hindi nalulutas ang gayong mga praktikal na problema, hindi mawawala nang kusa ang mga iyon; lalala ang mga iyon sa paglipas ng panahon. Ano ang ibig sabihin ng “lalala” ang mga iyon? Ibig sabihin nito, kung mananatiling hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, makahahadlang ang mga ito sa iyong kalagayan, at makahahadlang ang mga ito sa ibang tao. Sa paglipas ng panahon, mahahadlangan ka ng mga problemang ito sa pagganap nang mabuti sa iyong tungkulin, sa pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan, at sa paglapit sa Diyos. Hindi ito isang maliit na isyu, kundi isang malubhang problema. At sa paglipas ng panahon mula roon, ang mga hinaing at hinanakit sa iyong puso, ang iyong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong mga pagkiling laban sa iba, pati na ang iyong paglayo sa iba, ay lalago sa loob mo. Tiyak na dadalhin ka nito sa isang maling landas. Walang magagawa ang mga bagay na ito kundi guluhin ang puso ng isang tao, at gawing negatibo ang isang tao, at hikayatin ang isang taong layuan ang Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil ang mga bagay na tulad ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ng mga tao ay pawang mga negatibong bagay, pawang mga lason ni Satanas. Kung maiipon ang mga iyon sa puso ng isang tao sa mahabang panahon, sisirain ng mga iyon ang pananampalataya ng taong iyon, at sasairin ng mga iyon ang kanyang kasigasigan at katapatan. At kapag walang pananampalataya o kasigasigan, hindi ba’t sa paglipas ng panahon ay nababawasan ang lakas ng isang tao sa pagganap sa kanyang tungkulin? Kapag hindi nararamdaman ng isang tao ang kapayapaan at kagalakan ng pagsampalataya sa Diyos, at hindi niya nararamdaman ang pagpapala at patnubay ng Diyos sa pagganap ng kanyang tungkulin, hindi siya makakukuha ng lakas mula sa mga iyon, at makokontrol siya ng mga negatibong bagay na tulad ng mga kuru-kuro, maling pagkaunawa, hinaing, at pagiging negatibo. Kapag nasa ganitong mga kalagayan ang isang tao, wala siyang magagawa kundi igugol ang kanyang sarili sa pagganap sa kanyang tungkulin, kumapit at magtiis, gawin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng determinasyon—ngunit hindi hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito. Hindi makikita ng isang tao ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang mga pagpapala sa ganitong paraan. At ano ang agad na kasunod niyon? Paano man niya gampanan ang kanyang tungkulin, hindi niya mahanap ang mga prinsipyo nito. Kumikilos lang siya kung paano niya naisin, nang paunti nang paunti ang kanyang katiyakan, at nawawalan siya ng lakas na gampanan ang kanyang tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Noong kasisimula ko pa lang gumanap sa aking tungkulin, labis na naaantig at nabibigyang-liwanag ang pakiramdam ko, at pakiramdam ko ay kasama ko ang Diyos. Nagagalak ang puso ko; nakikita ng mga mata ko ang lahat ng bagay at nagagawa ko ang lahat ng bagay nang may kaginhawahan. Ngunit pagkalipas ng ilang panahon, napakalayo na ng puso ko sa Diyos, wala nang panalangin sa aking puso, at hindi ko na maramdaman ang Diyos.” Ano ang nangyayari dito? May karamdaman sa puso ang taong ito. At ano ang karamdamang iyon? Ito ang mga tiwaling disposisyon sa loob niya na nagpapamalas at nagdudulot ng mga kaguluhan. Kung mananatiling hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, palaging may lilitaw na mga problema sa pagganap ng kanyang tungklin, at kapag lumubha ang mga iyon, magagambala at magugulo ng mga iyon ang gawain ng iglesia. Kung nais ng isang taong makamit ang kalugod-lugod na pagganap sa kanyang tungkulin, kailangan niyang hanapin nang madalas ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon, at pagsikapan ang paglutas sa kanyang tiwaling disposisyon, kailangan niyang makapagdusa at makapagbayad ng halaga, hanggang sa malutas na niya ang kanyang tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magagampanan na niya nang walang hadlang at walang balakid ang kanyang tungkulin. May ilang taong hindi kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya lamang nilang pigilan ang kanilang sarili gamit ang kabutihan at kasigasigan, gamit ang determinasyon ng tao; mapipigilan lamang nila ang mga panandaliang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon. Ngunit malulutas ba nila ang ugat ng problema ng isang tiwaling disposisyon? Kung hindi hahanapin ng isang tao ang katotohanan, imposible siyang magkaroon ng paraang lutasin ang isang tiwaling disposisyon, at kung namumuhay ang isang tao sa isang tiwaling disposisyon, imposible siyang magkaroon ng paraang isagawa ang katotohanan, at imposibleng magkaroon ng kalugod-lugod na pagganap sa tungkulin.

Tunay bang mabuting tao ang isang likas na mapagpalugod ng mga tao? Anong uri ng tao ang tinitingnan ng Diyos bilang tunay na mabuting tao na nagtataglay ng katotohanan? Una sa lahat, kailangan niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at maintindihan ang katotohanan. Ikalawa, kailangan niyang maisagawa ang katotohanan, base sa pagkaunawa rito. Nalulutas niya ang mga bagay-bagay sa loob niya na hindi umaayon sa katotohanan—ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya, ang masasamang opinyon niya sa iba at mga maling pagkaunawa niya sa ibang tao at sa Diyos—sa sandaling matuklasan niya ang mga iyon. At kapag namumuhay siya sa masasama o mga negatibong kalagayan, nababago niya kaagad ang kanyang sarili; hindi siya kumakapit sa mga tiwaling bagay na ito. Ibig sabihin, sa sandaling natutuklasan ng taong ito na mayroon siyang suliranin, nagagawa niyang lumapit sa Diyos upang maghanap ng solusyon, at nagagawang panatilihin ang isang normal na kaugnayan sa Kanya. Maaaring mahina at mapaghimagsik ang gayong tao, at maaaring ibunyag ang lahat ng uri ng tiwaling disposisyon gaya ng pagmamataas, pagmamagaling, kabuktutan, at panlilinlang. Gayunman, sa sandaling suriin niya ang kanyang sarili at nagkamalay sa mga bagay na ito, malulutas niya ang mga ito nang nasa oras at makapagbabago. Anong uri ng tao ito? Isa itong taong nagmamahal sa katotohanan at isinasagawa ang katotohanan. Paano tinitingnan ang gayong tao sa mga mata ng Diyos? Sa paningin ng Diyos, ito ay isang mabuting tao. May ilang tao na laging kumakapit sa mga dati nilang kuru-kuro, mapagmatigas na pinanghahawakan ang mga personal nilang pagkiling at maling pagkaunawa. Lagi nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may negatibong mga emosyon, alam na alam nilang mali sila ngunit ipinagpipilitan pa rin ang kanilang mga ideya. Kahit kapag pinupungusan, mapanlaban at depensibo sila, nagsasabing, “Ganito lang talaga ako gumawa ng mga bagay-bagay. Hindi ko bibitiwan ang sarili kong gawi. Sa palagay ko ay hindi patas ang pangangasiwa rito ng sambahayan ng Diyos kaya hindi ko lulutasin ang isyung ito. Kahit na magsalita ka tungkol sa pagiging patas, hindi ko ito tatanggapin. Ang mga salita mo ay hindi ang katotohanan! Sinasabi mong hindi wasto ang saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin, ngunit wala akong nagawang anumang kasamaan. Sinasabi mong nagiging pabasta-basta ako sa pagganap sa aking tungkulin. Kung gayon ay ano ang dapat kong gawin para hindi maging pabasta-basta? Sapat na ang paggawa sa tungkulin ko nang ganito. Kung hindi nalulugod ang Diyos sa pagganap ko sa aking tungkulin sa ganitong paraan, hindi patas ang Diyos, at huwad din ang pagiging matuwid Niya.” Ito ba ang uri ng taong tumatanggap sa katotohanan? Ganito ba ang saloobin ng isang taong tumatanggap sa katotohanan? Ano ang pagkakaiba ng isang taong nagsasalita nang ganito sa isang walang pananampalataya? Paano tinitingnan ng Diyos ang gayong tao? Ano ang saloobin ng Diyos? (Nasusuklam Siya.) Hindi ba’t isa itong taong matigas ang ulo at rebelde? Bagaman may mga katiwalian ka, hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Hindi ka tinatanggihan o kinokondena ng Diyos dahil isa kang tiwaling tao. Kundi ito ay dahil alam na alam mo na ang katotohanan, ngunit sadya ka pa ring lumalaban at nagrerebelde rito. Ang saloobin mo ang ikinalulungkot ng Diyos, ikinasusuklam, at ikinamumuhi Niya. Ito ang saloobin ng Diyos. Ang gayong tao ay hindi isang mabuting tao sa mga mata ng Diyos o sa mga mata ng iba.

Kung sumasampalataya kayo sa Diyos at nagnanais na matamo ang Kanyang pagliligtas, kailangan ninyong gampanan nang mabuti ang inyong tungkulin. Una, sa panahon ng pagganap sa inyong tungkulin, kailangan ninyong magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at ibigay ang lahat ng makakaya ninyo. Kapag nakikita ka ng Diyos bilang isang mabuting tao, nasa kalagitnaan ka na. Kung, habang ginagampanan ang iyong tungkulin, nagagawa mong hangarin ang katotohanan, at kahit gaano pa karaming tiwaling disposisyon ang nalalantad o kahit gaano karaming paghihirap ang iyong hinaharap, kaya mo pa ring hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga iyon; at kung may saloobin ka ng pagtanggap at pagpapasakop kapag pinupungusan ka, hindi talaga matitinag ang pag-asa mong matamo ang pagliligtas ng Diyos. Ang makita ng Diyos bilang isang taong naghahangad sa katotohanan ay isang mataas na pamantayan na maaaring hindi mo pa rin naaabot. Wala kang determinasyon at tayog, at masyadong mahina ang iyong pananampalataya. Kaya, simulan mo sa pamamagitan ng pagtutulot sa mga kapatid sa paligid mo na makita ka bilang isang mabuting tao, bilang isang taong tama, na medyo nagmamahal sa mga positibong bagay, na nagmamahal sa katarungan at katuwiran, at na medyo matuwid. Kapag nakagagawa ka ng mga pagkakamali, itinatama mo ang mga iyon. Kapag natutukoy mo ang iyong rebeldeng kalagayan, mabilis mo itong nababago. Kapag natutuklasan mo ang iyong tiwaling disposisyon, agad mong hinahanap ang katotohanan at nakikipagbahaginan ka sa iba. Sa sandaling magkaroon ka ng pagkaunawa, makapagsisisi ka na. Sa pamamagitan ng paghahangad sa ganitong paraan, tiyak na makauusad ka. Una, hayaan mong makita ka ng iyong mga kapatid bilang isang mabuting tao, bilang isang taong tama, isang taong may buhay pagpasok. Pagkatapos, paunti-unti, pagsikapan mong maging isang taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa rito ay magiging mas madaling makapasok, at magiging mas praktikal para sa iyong humiling ng gayon sa iyong sarili. Una sa lahat, kailangan mong mahikayat ang iyong mga kapatid na kilalanin ka bilang isang mabuting tao. Anu-ano ang mga pamantayan sa pagiging isang mabuting tao? Una, kailangan mong tingnan ang paggampan sa iyong tungkulin. Ilang pamantayan at kinakailangan ang dapat na maabot sa pagganap sa iyong tungkulin? Kailangan mong maging masipag, responsable, handang magtiis ng paghihirap, handang magbayad ng halaga, at maging metikuloso kapag pinangangasiwaan ang mga usapin, hindi kumikilos nang pabasta-basta. Sa isang bahagyang mas mataas na antas, kailangan mong mahanap ang mga tamang prinsipyo sa bawat bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyong ito. Sinuman ang nagsasalita, kahit na isang kapatid na pinaka-hindi mo hinahangaan ang nagpapahayag ng isang prinsipyong tama at naaayon sa katotohanan, dapat mo itong pakinggan, subukang tanggapin, at subukang maghimagsik laban sa sarili mong mga opinyon at kuru-kuro. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? (Mabuti ito.) Madaling pag-usapan ang pangangailangang gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, madali itong sabihin; ngunit mahirap na aktuwal na gampanan ang tungkulin ng isang tao nang pasok sa pamantayan. Hinihingi nito sa iyong magbayad ng halaga at isuko ang mga partikular na bagay. Ano ang dapat mong ibigay? Sa pinakapangunahing antas, kailangan mong maglaan ng kaunting panahon at lakas. Araw-araw, dapat kang gumugol ng mas mahabang panahon at gumugol ng mas maraming lakas kaysa sa ibang tao. Dapat kang magpatuloy nang medyo mas matagal at gumugol ng medyo mas maraming pagsisikap. Kung nais mong magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, kailangan ay lagi mong pag-isipan kung paano tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Kailangan mong isaalang-alang kung ano ang mga katotohanang kailangan mong isangkap sa iyong sarili at kung anong uri ng mga problema ang dapat mong tugunan. Pagkatapos ay hanapin mo ang katotohanan sa pamamagitan ng panalangin, ipahayag ang mga mithiin mo sa Diyos, at taimtim na magsumamo sa Diyos, hilingin sa Kanyang bigyang-liwanag at patnubayan ka. Habang nagpapahinga ang iba sa gabi, dapat kang gumugol ng mas mahabang panahon sa pagninilay-nilay sa mga naging problema habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa araw na iyon at kung ano ang katiwaliang iyong naihayag. Dapat mong pagnilay-nilayan ang mga bagay na ito, at saka ka lamang magpahinga matapos kang makaisip ng daan pasulong, nang sa gayon ay maging makabuluhan at hindi masayang ang araw na iyon. Kung hindi mo pag-iisipan kung paano lulutasin ang mga problemang ito, hindi ka makakakain o makatutulog nang maayos. Ito ang pagdurusa, ito ang halagang ibabayad mo. Kakailanganin mong magtiis ng mas maraming paghihirap at magbayad ng mas malaking halaga kaysa sa iba, at maglaan ng mas maraming panahon at lakas sa pagsisikap para sa katotohanan. Isa ba itong praktikal na halagang dapat ibayad? (Oo.) Nakapagbayad ka na ba ng gayong halaga dati? May ilang sister na mahilig magbihis, gumugugol ng hindi bababa sa isa o dalawang oras kada araw sa kanilang kolorete at iba’t ibang ayos ng buhok. Kailanman ay wala silang anumang isinasakripisyo sa pagpapakasasa sa mga pisikal nilang kagustuhan, laging nagpapakita ng maningning at magandang anyo at walang kapintasan kung manamit. Ngunit pagdating sa pagganap sa kanilang tungkulin, kailanman ay hindi nila ito sineseryoso at pinagsisikapan. Saan nasasalamin ang kawalan nila ng pagsisikap? Ito ay nasa kawalan ng sinseridad at pagbibigay ng atensyon sa pagganap sa kanilang tungkulin. Kahit na paminsan-minsan ay nagpupuyat sila, ito ay dahil lamang sa nagpupuyat ang lahat, hindi dahil sa gusto nila, o dahil mayroon silang mga hindi natapos na gawain at hindi sila makaalis. Ngunit sila mismo ay hindi kailanman naglaan ng anumang karagdagang panahon o lakas, hindi kailanman nagbayad ng anumang karagdagang halaga, at hindi kailanman nagtiis ng anumang paghihirap sa pagganap sa kanilang tungkulin. Bagaman ginagampanan nila ang kanilang tungkulin kasama ng lahat, iginugugol ang parehong haba ng oras, hindi sila nagkakaroon ng anumang kapaki-pakinabang na resulta. Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa pagiging pabasta-basta at paggawa nang wala sa loob, subalit medyo miserable pa rin ang kalooban nila. Ano ang tingin ninyo sa saloobing ito? Naaayon ba sa katotohanan ang pagganap sa inyong tungkulin nang may ganitong uri ng saloobin? Talagang hindi. Paano ninyo karaniwang ginagawa ang pagganap sa inyong tungkulin? Kailanman ba ay sineryoso na ninyo ito? Dahil nalalamang wala kayong gayong determinasyon o dedikasyon, dahil nalalamang umaasa lamang ang inyong pagganap sa tungkulin sa lakas ng loob at pagpipigil sa sarili, at napagtatantong may mali sa sitwasyong ito, may nagawa na ba kayong anumang pagbabago? Ano ang dapat gawin upang maitama ito? Una, kailangan ninyong magbayad ng halaga. Kung minsan, nangangahulugan ito ng pagpupuyat, at sa ibang pagkakataon, nangangahulugan ito ng paggising nang maaga. Ito ang pagdurusa ng laman. Dagdag pa rito, dapat kang maglaan ng mas maraming pag-iisip at lakas, mas mag-isip, mas magnilay, at mas lumapit sa Diyos upang magdasal at maghanap sa Kanya, inilalaan ang iyong panahon at lakas sa Diyos, iginugugol ang iyong sarili para sa Diyos, iginugugol ang panahon at lakas na iyon sa pagganap ng iyong tungkulin, sa pagsasakatuparan sa atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, at sa paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang halagang kailangang mabayaran habang ginagampanan ang iyong tungkulin? (Oo.)

Ano ang pinakakulang sa inyo sa pagganap sa inyong tungkulin? Sinabi ng Diyos, “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo” (Marcos 12:30). Iginugol lamang ninyo ang inyong lakas, ngunit hindi ang inyong puso, kaluluwa, at pag-iisip—hindi ninyo nakamit ang tatlong aspetong ito. Ang alam lamang ninyo ay gumugol ng lakas sa pagganap sa inyong tungkulin. Sa mga mata ng Diyos, anong uri ng tao ito? (Isang trabahador.) Payag ba kayong maging mga trabahador? (Hindi.) Kahit na ayaw ninyong maging mga trabahador, nagtatrabaho pa rin kayo, at walang-sawa ninyo itong ginagawa. Ito ang landas na inyong tinatahak. Hindi ba’t may kontradiksyon na ayaw ninyong maging trabahador, subalit kusang-loob kayong nagtatrabaho? Paano ito nangyari? Ito ay dahil maling landas ang tinatahak ng mga tao. Ang landas na iyong pinipili ang nagtatakda ng pinakamithiin mo, sa madaling salita, inaani mo ang hinasik mo. Kung pipiliin mo ang landas ng pagtatrabaho, ang magiging pinakaresulta ay ang maging trabahador. Dahil lagi mong ninanais na makatanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagsisikap, at ayaw mong hanapin ang katotohanan at harapin ang mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo sa pagganap sa iyong tungkulin, upang matupad nang kalugod-lugod ang iyong tungkulin; dahil ayaw mong mahalin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip sa pagtupad mo ng iyong tungkulin, at kontento ka na sa paggugol lamang ng lakas, ang resulta ay nagiging trabahador ka. Walang kontradiksyon dito. Gayunpaman, umuusbong talaga ang mga kontradiksyon sa puso ng mga trabahador. Ano ang mga kontradiksyong iyon? Ayaw ng mga taong maging trabahador, subalit ayaw rin nilang hangarin ang katotohanan o hangarin ang pagmamahal sa Diyos. Nagnanais pa rin sila ng mga pagpapala. Kung maririnig nilang mga trabahador sila, hindi nila gusto iyon, iniisip na, “Hindi ba’t sinusubukan nila akong hamakin at maliitin? Hindi ba’t isa itong uri ng negatibong panghuhusga? Nagsikap na ako nang husto at sobra-sobra na ang ibinuhos kong lakas. Paano naman kaya ako naging isang trabahador?” Ngunit tama ito. Hindi ka talaga nagsasagawa ng anumang katotohanan; kontento ka na sa pagsusumikap lamang, at dahil doon ay isa kang trabahador. Huwag mong isipin na ang pagganap sa iyong tungkulin ay tungkol lamang sa pagsusumikap nang kaunti. Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin kung hindi mo iyon gagawin nang buong puso. Ang pagkilos nang buong puso ay nangangahulugan ng pagbibigay ng iyong buong puso, kaluluwa at pag-iisip. Kailangan mong maabot ang pamantayang ito. “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang pahayag na ito ay buong-buong magagamit sa pagtupad ng tungkulin. Kung isa kang tunay na mananampalataya ng Diyos, dapat mong gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. Sa gayon, sa mga mata ng Diyos ay maituturing kang isang mabuting tao. Paano dapat sukatin ang isang taong mabuti sa mga mata ng Diyos? Mula sa anong perspektiba siya dapat masuri? (Mula sa perspektiba ng pagganap sa mga tungkulin.) Dapat muna siyang masuri mula sa perspektiba ng kanyang pagganap sa tungkulin, mula sa kanyang saloobin at perspektiba sa pagganap ng kanyang tungkulin, sa kanyang hangarin at layon, kung taglay niya ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng kanyang tungkulin at kung ano ang mga resultang nakakamit niya sa pamamagitan ng pagharap sa mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga aspetong ito, matutukoy natin kung minamahal ng isang tao ang katotohanan, hinahangad ang katotohanan, at kung isa siyang matapat na tao sa mga mata ng Diyos, isang taong minamahal ng Diyos. Ang mga ito ang mga pinakatuwirang prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri sa isang tao. Nauunawaan ba ninyo ito? Taglay ba ninyo ang determinasyong hangarin ang katotohanan at maging mga tao ng Diyos? Huwag kayong makontento na lang sa pagsisikap upang gampanan ang inyong tungkulin; dapat kayong magsikap para sa katotohanan at para maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Ito lamang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung kontento na kayo sa pagsusumikap lang, masyadong mababa ang pamantayan ng hinihinging ito. Ang pagganap sa mga tungkulin ng isang tao ay hindi tungkol sa paggawa ng mga simpleng gawain na matatapos sa kaunting pagsisikap. Ang mga gawaing nangangailangan ng teknikal na kasanayan ay hindi magagawa nang mabuti nang wala ang kinakailangang kasanayan. Partikular na nangangailangan ang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos ng pagpapatotoo sa Diyos at hindi ito magagawa kung hindi kayo nagtataglay ng katotohanan. Kung hindi ninyo gagampanan ang inyong tungkulin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ninyo makakamit ang mga hinahangad na resulta sa pagpapatotoo sa Diyos. Samakatuwid, upang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin, kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at maintindihan ang mga prinsipyo. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan bagkus ay ninanais lamang na magsikap nang kaunti upang makuha ang mga pagpapala ng Diyos, ang gayong pag-iisip ay hindi mapaninindigan. Kung hindi mo ginagampanan nang kalugod-lugod ang iyong tungkulin, hindi gagamitin ng Diyos ang isang taong tulad mo. Ititiwalag ka ng Diyos, dahil ang pamantayan para sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay ang matupad nila nang kalugod-lugod ang kanilang mga tungkulin, at hindi magtrabaho lamang. Kung ikaw, bilang isang trabahador, ay nakararamdam ng anumang pagkabagabag sa iyong puso tungkol dito, ang totoo, nalulungkot at nagdadalamhati rin ang Diyos para sa iyo. Wala ka talagang anumang pagkaunawa sa puso ng Diyos. Magbabayad ba ang Diyos ng gayon kalaking halaga upang magligtas ng isang grupo ng mga trabahador? Talagang hindi. Ninanais ng Diyos na gawing perpekto ang isang grupo ng mga taong nakakikilala sa Kanya at naaayon sa Kanyang mga layunin. Nagtataglay ba ang mga trabahador ng katotohanan at buhay? Kapaki-pakinabang ba para sa Diyos na magligtas ng mga trabahador? Isa ba itong tanda ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian? Ang pagtatrabaho lamang ba ay isang patotoo para sa Diyos? Ang pagiging trabahador ay hindi katumbas ng pagpapatotoo sa Diyos. Hindi iyon ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Handa akong magtrabaho para sa Diyos. Gaano man karaming pagsisikap ang kinakailangan, handa akong ibigay ang lahat ng iyon. Ibibigay ko ang isandaang porsiyento sa halip na walumpung porsiyento. Naibigay ko na ang buong makakaya ko, bagaman medyo mahina ang kakayahan ko at hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Nababatid ng Diyos ang aking puso, at dapat Niya akong sang-ayunan, hindi ba?” Naaayon ba ang pahayag na ito sa mga hinihingi ng Diyos? Sinasang-ayunan ng Diyos ang mga taong kalugod-lugod na tumutupad sa kanilang tungkulin, ang mga taong gumaganap sa kanilang tungkulin nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. Kung gumugugol ka lamang ng lakas nang hindi ito isinasapuso, hindi mo nagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso. Maisasagawa mo ba ang katotohanan nang hindi buo ang iyong puso? Mapamamahalaan mo ba ang mga gawain nang may prinsipyo? Kung gugugol ka lamang ng lakas nang hindi buo ang iyong puso, maaari ka lamang maging trabahador. Makukuha ba ng mga trabahador ang pagsang-ayon ng Diyos? Imposible iyon. Ano ang hinihingi ng salita ng Diyos para sa paggampan ng tungkulin? (“Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.”) Tumutukoy ito sa katotohanan, sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Anu-ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa? Iyon ang mga dapat mong gawin sa iyong buhay at sa pagganap sa iyong tungkulin, sa iyong landas ng pagsasagawa, at sa direksyon at layon ng iyong buhay. Itatak mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo” bilang iyong alituntuning pamatnubay. Sa anumang ginagawa mo, gamitin mo ang mga salitang ito upang suriin ang iyong sarili. Itanong mo sa iyong sarili, “Alin sa mga ito ang nakamit ko na? Alin ang hindi ko pa nakakamit? Ano ang panloob kong kalagayan? Mayroon bang anumang paghihimagsik? Anumang pagkamakasarili? Nakikipagtawaran o nakikipagnegosasyon ba ako sa Diyos? Nagiging matigas ba ang ulo ko? Mayroon bang anumang elemento ng pagiging negatibo o pagpapabaya sa kalooban ko? Kumikilos ba ako nang pabasta-basta?” Kapag itinatak mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo” sa iyong puso, inaalala mo ang mga salitang ito ng Diyos, ang mga salitang ito ng katotohanan, sa iyong puso. Ano ang layon ng pagsasapuso sa mga iyon? Ito ay hindi para bigkasin ang mga iyon upang marinig ng iba, kundi para itama ang sarili mong kalagayan, ayusin ang iyong pag-uugali, at para gabayan ang bawat kilos mo. Halimbawa, kung may bagay na hindi mo alam gawin, isaalang-alang mo agad kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos at isipin mong, “Sinabi ng Diyos na gawin ko ito nang buong puso, kaya paano ko ito magagawa nang buong puso? May ibang mas nakauunawa rito kaysa sa akin, kaya dapat akong magtanong at makipagbahaginan sa kanya.” Pagkatapos makipagbahaginan, magdasal ka at siyasatin mo ang sarili mo upang makita kung mayroon kang anumang maling hangarin. Kung wala kang anumang personal na mithiin o pagkamakasarili, at nakatitiyak kang ganap na naaayon sa katotohanan ang paggawa nito, at naisasagawa mo ang katotohanan, mapapanatag ang puso mo, ipinahihiwatig nito na kumilos ka nang buong puso, sa abot ng iyong makakaya. Upang matamo ang buong pusong pagsasagawa, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa iyong puso, pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magdasal sa Diyos, at makipagniig sa Kanya. Isa itong usapin ng puso. Kapag lumalapit ang puso mo sa Diyos, lagi mong pinag-iisipan at pinagsisikapan ang katotohanan, isa kang taong nabubuhay sa harapan ng Diyos. Sa sandaling gawin mo nang buong puso ang isang bagay, likas na susunod dito ang paggawa rito nang buong pag-iisip mo, buong kaluluwa mo, at buong lakas mo. Magiging realidad mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.”

Bakit sinasabing ang salita ng Diyos ay isang lamparang gumagabay sa mga tao? Ito ay dahil hindi binigkas nang walang kabuluhan ang salita ng Diyos, binigkas ito upang tugunan ang mga tunay na problema ng mga tao. Hindi ito teorya, mabulaklak na retorika, o diskurso. Ang salita ng Diyos ay nakalaan upang gamitin at isagawa mo. Kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon kung saan wala kang daan pasulong at hindi mo alam kung ano ang gagawin, maaari mong alalahanin kung paano hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos na kumilos. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa salita ng Diyos ay makahahanap ka ng daan, mauunawaan mo ang kahulugan ng salita ng Diyos, at pagkatapos ay makapagpapatuloy ka sa pagsasagawa rito alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos itong isagawa ay makatatanggap ka ng pagpapatibay, at matutuklasan mong sa pamamagitan ng kilos na ito, makadarama ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong espiritu, at na mapalalakas din nito ang iba. Sa proseso ng pagsasagawa sa salita ng Diyos, nagtatamo ka ng mga kaliwanagan at karanasan, natututo ka mula sa mga sarili mong karanasan, at nauunawaan mo ang mga partikular na bagay. Ano ang nauunawaan mo? Nauunawaan mo ang layon sa likod ng salita ng Diyos at sa likod ng layunin Niyang tulutan ang mga taong kumilos sa isang partikular na paraan. Kapag natuklasan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawang pinagbabatayan ng lahat ng ito, natutuklasan mo ang pinagmumulan at kabuluhan ng Kanyang mga salita. Ito ang pag-unawa sa katotohanan. Matapos maunawaan ang katotohanan, hindi ka na nalilito, hindi na masyadong ignorante, at hindi na mahina ang loob mo kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging hindi mahina ang loob? Ibig sabihin nito, kapag nahaharap sa mga paghihirap, nahahanap mo ang katotohanan, nalalaman mo kung paano lutasin ang mga iyon, at nalalaman kung paano mismo magpatuloy. Ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng daan pasulong kapag isinasagawa ang salita ng Diyos? Ibig sabihin nito, nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa Kanyang salita, naiintindihan mo ang mga sitwasyong tinutukoy ng Kanyang mga salita, at nalalaman mo kung paano isagawa ang mga iyon. Bakit sinasabing ang salita ng Diyos ang buhay at landas ng mga tao? Ito ay dahil maaaring maging buhay ng mga tao ang salita ng Diyos, at tanging ang Kanyang salita, tanging ang katotohanan, ang makapag-aakay sa mga tao sa tamang landas sa buhay. Ang salita ng Diyos ay tuwiran at madaling maunawaan. Ibinibigay ito upang tulutan ang mga taong madaling maunawaan at matanggap ang katotohanan. Kapag nakikilala at natatanggap ng mga tao ang katotohanan, wala sa loob na namamalayan nilang nasa tamang landas na sila sa buhay. Maaaring mukhang simple o madaling maunawaan ang ilan sa mga salita ng Diyos, ngunit lahat ng iyon ay mga tagubilin kung paano mamuhay, kung paano harapin ang iba’t ibang sitwasyon, at kung paano lutasin ang mga paghihirap. Ito ang katotohanan. Maaari itong maging landas mo, nagbibigay sa iyo ng karunungan, mga prinsipyo, at ng isang landas ng pagsasagawa kapag nahaharap ka sa mga pagsubok. Kung may landas ka sa pagganap sa iyong tungkulin o sa ibang bagay, kung kaya mong harapin ang mga gawain nang may prinsipyo at unawain ang mga layunin ng Diyos, ibig sabihin ba nito ay nauunawaan mo ang katotohanan? (Oo.) Ibig sabihin nito ay nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan ang salita ng Diyos. Hindi naman talaga kailangang maunawaan ng mga trabahador ang salita ng Diyos; kailangan lang nilang magsikap. Samakatuwid, ang pagtatrabaho ay isang simpleng gawain. May ilang taong ni hindi magaling sa pagtatrabaho, at labis na ipinahihiya ng gayong mga tao ang kanilang sarili! Ano ba ang ibig sabihin ng labis na pagpapahiya sa kanilang sarili? Ibig sabihin nito ay ni hindi nila maasikaso nang maayos ang pagtatrabaho, hindi sila makapagsikap nang maayos, at lagi silang pilyo, nakagagambala, negatibo, at tamad. Kailangan ay lagi silang suyuin at subaybayan. Nabibigo ang gayong mga taong tuparin nang kalugod-lugod ang kanilang tungkulin at hindi nila naaabot ang mga pamantayan ng pagiging tao. Ngayon, aling landas ang balak ninyong tahakin? Anong uri ng tao ang plano ninyong maging? Magsisikap ba kayong maging pangkaraniwang trabahador, o magiging mithiin ba ninyong maging isang taong tumutupad sa kanyang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip? (Ang maging isang taong tumutupad sa kanyang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.) Mabuting bagay at tamang mithiin iyan. Hindi ninyo ninanais na maging trabahador, hindi ninyo ninanais na magsikap lamang. Kung gayon ay dapat kayong magsikap tungo sa katotohanan! Aling mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan kapag pinagsisikapan ang katotohanan? Nakasalalay ito sa mga paghihirap na hinaharap ninyo, at napakahalagang matugunan muna ang mga kasalukuyang problema. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga tao ay tumutuon sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad sa kanilang tungkulin, at napakahalaga ng katotohanan ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao. Basta’t kaya ninyong tuparin ang inyong tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo, mapapanatag at mapapalagay ang puso ninyo. At kung malalaman din ninyo ang gawain ng Diyos, mararanasan ang Kanyang gawain, at malulutas ang ilan sa mga tiwaling disposisyon ninyo, matitikman ninyo ang tamis ng pagsunod sa Diyos at magiging madali sa inyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang pangunahing usapin sa pagsunod at pagpapasakop sa Diyos ay ang pagtupad nang maayos sa inyong tungkulin. Sinasabi ng salita ng Diyos, “Tuparin ninyo ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo, at nang buong pag-iisip ninyo, at nang buong lakas ninyo.” Hindi ba’t ang pahayag na ito ang katotohanan? Kung makukumpirma ninyong ang pahayag na ito ang katotohanan, dapat ninyong pagsikapan ang pagtupad sa inyong tungkulin. Habang mas nauunawaan ninyo ang katotohanan sa pagtupad ng inyong tungkulin, lalong magiging maprinsipyo at epektibo ang pagtupad ninyo rito. Kung kalugod-lugod ninyong tutuparin ang inyong tungkulin, bukod sa mapapanatag at magagalak ang inyong puso ay magkakaroon din kayo ng tunay na pananampalataya. Ito ang resulta ng pagsunod sa Diyos at pagtupad sa inyong tungkulin. Totoo talaga na lalong nagliliwanag ang landas ng pagsunod sa Diyos habang tinatahak ninyo ito. Samakatuwid, ang pagtupad sa inyong tungkulin ang pinakamakabuluhang bagay na dapat ninyong gawin. Kung magsisikap ka tungo sa katotohanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, tama ang lugar na pinagsimulan mo. Habang nagsisikap ka sa direksyong ito, unti-unti kang makakikita ng mga resulta at magkakaroon ng wangis ng tao. Unti-unti, magiging malapit ang kaugnayan mo sa Diyos. Kapag humaharap ka sa mga pagsubok at kapighatian at medyo nagiging negatibo o nanghihina ka, at lumilitaw ang ilang kuru-kuro at maling pagkaunawa, madali mong mahahanap ang katotohanan upang malutas ang mga suliraning iyon, at hindi na magiging malalaking problema ang mga iyon.

Karamihan sa inyo ay nakatira sa mga bansang may demokratikong sistema, hindi tulad ng mga kapatid sa iglesia sa Tsina na dumanas ng pag-uusig at mga paghihirap. Hindi laging mabuting bagay para sa inyo ang pagkakaroon ng maginhawang buhay. Maaaring kailanganin ninyo ng kaunting pagsisikap para mahangad ninyo ang katotohanan, at maaaring medyo mahirap na magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga sa pagganap sa inyong tungkulin. May tendensiya ang mga taong lumaki sa ilalim ng demokratiko at malayang sistema na magkaroon ng kahinaan ng pagiging mapagpalayaw sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang ibang punahin o sawayin sila. Medyo mas malaya at bukas ang kanilang pag-iisip. Palagi silang humihingi ng personal na espasyo, kalayaan, lagi silang nagnanais na hangarin ang bawat naisin nila, at lagi silang humihingi ng lahat ng uri ng bagay na may kinalaman sa mga kasiyahan ng laman. Kung ayaw ninyong bitiwan ang mga bagay na ito, mahihirapan kayong makawala sa kalagayan at kondisyong nagsisikap lamang nang hindi naghahangad sa katotohanan. Ang palaging pagbibigay-diin sa kalayaan at personal na espasyo ay magdadala ng problema. Kailangan mong magsalita tungkol sa katotohanan, tungkol sa mga salita ng Diyos, at tungkol sa kung ano ang positibo at kung ano ang tamang landas sa buhay. Bagaman mga maganda at progresibong sistemang panlipunan ang kalayaan, demokrasya, at kasarinlan, ang mga iyon ay hindi ang katotohanan. Mga progresibong ideya at sistema lamang ang mga iyon sa mapanglaw at masamang mundong ito. Mga sistema ang mga iyon na medyo naaangkop sa pag-iral ng tao at na nagtataguyod ng mga karapatang pantao. Ang mga iyon ay hindi talaga ang katotohanan, at kailangan ninyo itong makita nang malinaw. Huwag ninyong isiping, “Ipinanganak ako sa ilalim ng gayong sistemang panlipunan, kaya taglay ko ang mga karapatang ito. Pwede kong isipin, sabihin, at gawin ang anumang naisin ko, at walang maaaring makialam. Karapatang pantao ko ito, ang karapatang ibinigay sa akin ng lipunan at ng aking bansa.” Kung ituturing mo ito bilang kataas-taasang katotohanan, magdadala ito ng problema. Maipakikita ba ng mga kaisipang ito na taglay mo ang katotohanan? Saan ba nanggagaling ang mga bagay na ito? Nanggagaling ang mga ito sa mga tao at nagmumula sa tiwaling pagkatao. Ang mga ito ay hindi ang mga salita ng Diyos, lalong hindi ang katotohanang hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Kung ituturing mo ang ideya ng demokrasya at kalayaan bilang ang katotohanan, at sa sambahayan ng Diyos ay pagtutuunan mo lang ang paghahangad sa kalayaan at tatanggi kang malimitahan, kikilos nang walang-ingat sa pagganap sa iyong mga tungkulin, mahaharap ka sa problema. Magiging bukas ka bang tumanggap sa katotohanan kung may gayon kang mga kaisipan? Madali mo bang maisasagawa ang katotohanan? Tunay ka pa rin bang makasusunod sa Diyos? Ang pagsunod sa Diyos ay nangangailangan ng pag-unawa sa katotohanan, pag-unawa kung paano magpasakop, at pagsailalim sa mga paglilimita ng katotohanan. Hindi ka maaaring kumilos nang mapagmatigas. Kung hinahangad mo ang demokrasya at kalayaan, hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad. Hindi ka magiging tagasunod ng Diyos, ni hindi mo maituturing ang iyong sariling isang taong sumusunod kay Cristo. Magdadala ito ng problema sa inyo, at ito ang paghihirap na hinaharap ninyo. Ang mga tao ay may mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon, mga partikular na tradisyonal at kultural na perspektiba, at mga ideyang isinusulong sa mga panlipunang kalakaran. Ang mga ito ay likha ng kalagayan at kapaligiran ng lipunan. Kung hindi ninyo makikita ang diwa at kalubhaan ng mga suliraning ito at lagi ninyong ituturing ang pagganap sa mga tungkulin, pagsampalataya sa Diyos, at ang atas na ibinigay sa inyo ng Diyos bilang usapin ng mga karapatang pantao at ng kalayaan, kailanman ay hindi ninyo matatahak ang tamang landas at hindi mapapasok ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Nabubuhay ngayon ang mga tao sa Tsina sa ilalim ng kadiliman ng awtoritaryang pamumuno at walang anumang pakiramdam ng pagmamataas. Ipinanganak silang sanay magtiis ng mga paghihirap at kumakayod na parang kalabaw, at hinuhubog ng ganitong uri ng kalagayan at kapaligiran ng lipunan ang kanilang mga kaugalian sa buhay o prinsipyo ng pag-asal. Sa kabilang banda, hindi taglay ng mga taong nakatira sa mga demokratiko at malayang bansa ang gayong mga ideya. Ayaw nilang malimitahan, pakiramdam nila ay mapaniil iyon at ninanais nilang makawala sa anumang pagpipigil o pagkokontrol. Kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, gusto pa nga nilang makawala sa mga administratibong sistema, pagsasaayos ng gawain, at mga panuntunan ng iglesia. Ayaw nilang malimitahan. Tumatanggi silang mapungusan ng sinuman at tinatanggihan nila ang lahat ng pamumuna. Ayaw nilang maging mas abala pa nang kaunti sa gawain o magtiis ng kaunting pagod. Magdudulot ito ng problema! Hindi ito ang ugaling dapat taglayin ng isang Kristiyano, hindi rin ito ang ugali ng isang mabuting kawal ni Cristo. Noong kapanahunan ng Biyaya ay laging napag-uusapan ang kagandahang-asal ng mga banal. Akma pa rin ba ito ngayon? Oo! Isa itong positibong bagay na akma sa kahit saan at sa lahat ng pagkakataon. Una, huwag na nating pag-usapan ang wangis na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan, na siyang pinakapangunahing hinihingi ng Diyos na makamit ng tao. Isipin mo na lang, bilang isang Kristiyano, hindi ba’t dapat mong taglayin ang kagandahang-asal ng isang Kristiyano? Kung hindi, hindi ka karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos, at hindi ka kinikilala ng Diyos. Kung gusto mong sumunod sa Diyos, gusto mo mang maging isang nilikha o isang pangkaraniwang tao lang, kailangan mong mamuhay bilang isang tao. Kailangang maiharap ang puso mo sa Diyos. Maaari mong sabihing, “Diyos ko, ganito ko planong sumunod sa Iyo. Ito ang aking determinasyon at layon. Naaayon ba ito sa Iyong layunin?” O marahil ay hindi mo ito direktang sinasabi sa Diyos, ngunit kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at palihim na maging determinado sa iyong pagpapasya, tinutulutan ang Diyos na obserbahan kung ano ang susunod mong gagawin. Saanmang bansa o panlipunang kapaligiran ka ipinanganak, ngayong sumusunod ka na sa Diyos, hindi ka na nabibilang sa bansang iyon o sa mga taong iyon. Isa ka nang tagasunod ng Diyos, isang mananampalataya ng Diyos, isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa lahat ng oras at sa lahat ng paraan, kailangan mong ituring ang iyong sarili bilang isang tao ng sambahayan ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos. Dapat mong pagsikapang maging mabuting kawal ni Cristo, sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng mga banal. Kung lagi mong sinasabing, “Koreano ako,” “Taiwanese ako,” “Amerikano ako,” “Lahat tayo ay may kanya-kanyang paraan ng pamumuhay,” isa ka pa rin bang tagasunod ng Diyos? Hindi tama ang perspektiba mo; malinaw na nabibilang ito sa mga walang pananampalataya! Hindi mananampalataya ang mga ito! Kung isa kang hindi mananampalataya, bakit tumatambay ka sa sambahayan ng Diyos? Sinusubukan mo bang magkunwaring isang Kristiyano? Hindi pwede ang pagkukunwari dito. Talagang walang saysay ang subukang magmukhang ikaw ay nabibilang. Kung isa kang Kristiyano, kailangan mong tanggapin ang katotohanan at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Iyon ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi na mahalaga kung sa aling bansa ka nanggaling; hindi ka kikilalanin ng Diyos. Anuman ang nasyonalidad ng isang tao, ang mga sumasampalataya sa Diyos ay kailangang gampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin at tanggapin ang katotohanan. Iyon ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sumasampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan o ginagampanan ang iyong tungkulin, isa kang hindi mananampalataya, tulad lamang ng mga walang pananampalataya. Hindi ka alinman sa mga iyon. Ang mga taong hindi alinman sa mga iyon ay kailangang alisin agad sa sambahayan ng Diyos, hindi kailangan ang ganitong klase ng tao sa sambahayan ng Diyos. Kung itinuturing mo ang iyong sariling isang tao ng kaharian, kailangan mong abutin ang mga pamantayan ng mga tao ng kaharian. Kung sinasabi mong, “Anong mga tao ng kaharian? Isa akong mamamayan ng isang demokratikong bansa. Mayroon akong dignidad at mga karapatang pantao. Kailangan mong humiling sa akin alinsunod sa mga pamantayan ng isang demokratikong bansa. Kung hindi, walang magiging pag-uusap!” Pasensya na, ngunit ito ang kaharian ng Diyos, hindi ang kaharian ni Satanas. Ang gusto ng Diyos ay ang mga hinirang Niya, ang mga tao ng kaharian. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.) Kung sumasampalataya ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kailangan mong makinig sa Kanyang mga salita. Kung sinasabi mong, “Kaya kong sumunod sa Diyos, ngunit kailangan ko ng kalayaang pumili. Gusto kong pakinggan ang sinasabi ng mga tao, pakinggan ang gusto ko, at sundin ang mga taong gusto ko. Huwag mo akong pakialaman. Inuuna ko ang pagsunod sa mga patakaran at tuntunin ng aking bansa; iyon ang pinakamahalagang bagay. Hindi ko pwedeng unahin ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan. Para sa akin, nauuna ang aking bansa at ang pagiging mamamayan ko nito, at pumapangalawa o pumapangatlo ang katotohanan. Puwede ko itong tanggapin o tanggihan,” kung gayon ay ano ang saloobin ng Diyos sa gayong tao? Puwes, pasensiya na, ngunit kailangan mong lisanin ang sambahayan ng Diyos! Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ng isang taong tulad mo. Hindi ka sumusunod sa Diyos; hindi ka isang tao ng kaharian ng langit. Isa kang mamamayan ng mundo, at hindi nakikipag-usap ang Diyos sa mga taong tulad mo, ni nagliligtas ng mga taong tulad mo. Ang gayong mga tao ay hindi kayang gumanap sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha. Dapat ka nang umalis sa lalong madaling panahon, kung mas madali kang aalis, mas mabuti!

May ilang taong sumasamba sa mga tanyag at prominenteng tao. Lagi silang may mga alinlangan sa kung talagang nakapagliligtas ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at lagi nilang pinaniniwalaang tanging ang mga tanyag at prominenteng tao ang may impluwensiya at karisma. Lagi nilang iniisip na, “Tingnan mo kung gaano kahanga-hanga ang pinuno ng ating estado! Tingnan mo ang kaningningan, ang pagtatanghal, ang karangyaan ng ating mga pambansang kapulungan! Kahit kaunti kaya ay mapapantayan iyon ng sambahayan ng Diyos?” Na nakapagsasalita ka nang gayon ay nagpapakitang isa kang walang pananampalataya. Hindi mo nakikita nang malinaw ang kasamaan ng politika, o ang kapanglawan ng isang bayan, o ang katiwalian ng sangkatauhan. Hindi mo nakikitang ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at hindi mo nakikita o nauunawaan kung ano ang mga patotoong batay sa karanasan na ipinakikita ng mga hinirang na tao ng Diyos. Taglay ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan at ang napakaraming patotoo, at ang lahat ng hinirang ng Diyos ay namumulat at nagbabago, lahat sila ay nagsisimulang maranasan ang gawain ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad. Nakikita mo ba ang maaaring mangyari sa mga tao ng Diyos na nagpapasakop sa Kanya at sumasamba sa Kanya? Higit pa ito sa iyong imahinasyon. Ang lahat ng nasa sambahayan ng Diyos ay isandaang beses, isanlibong beses na mas maganda kaysa sa mundo, at sa hinaharap, patuloy lamang na gaganda at magiging mas regular, at magiging mas perpekto ang lahat ng mayroon ang sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay unti-unting nakakamit, at ang mga ito ang isasakatuparan ng salita ng Diyos. Ang mga hinirang na tao ng Diyos ay pawang pinili at paunang inorden Niya, kaya tiyak na mas mahusay pa sila kaysa sa mga tao ng mundo. Kung hindi nakikita ng isang tao ang mga katunayang ito, hindi ba’t bulag siya? May ilang taong laging pakiramdam na maganda ang mundo, at sa kaibuturan nila ay sinasamba nila ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo. Hindi ba’t sinasamba nila ang mga diyablo at mga Satanas? Sumasampalataya ba sa Diyos ang mga tanyag at prominenteng taong ito? Mga tao ba silang nagpapasakop sa Diyos? Mayroon ba silang may takot sa Diyos na puso? Tinatanggap ba nila ang katotohanan? Lahat sila ay mga demonyong lumalaban sa Diyos—talaga bang hindi mo nakikita iyon? Bakit ka sumasampalataya sa Diyos, yamang sinasamba mo ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo? Paano mo ba talaga tinitingnan ang lahat ng salitang ipinapahayag ng Diyos? Paano mo tinitingnan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat? May ilang taong bukod sa walang takot sa Diyos—wala rin silang ni katiting na respeto para sa Kanya. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya sila? Hindi ba’t dapat na paalisin agad ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin.) At kung hindi sila aalis, ano ang dapat na gawin? Magmadali ka na palayasin sila, paalisin sila. Ang mga hindi mananampalataya ay parang maruruming langaw, masyadong kasuklam-suklam na pagmasdan. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Kanyang mga salita, at ginagawa ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang gayong mga tao ay dapat na mapaalis. Ayon sa kanilang mga salita ay sumasampalataya sila sa Diyos, ngunit sa kanilang puso, hinahamak nila ang sambahayan ng Diyos at kinamumuhian ang Diyos. Payag ba kayong makahalubilo ang gayong mga hindi mananampalataya? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit kailangan silang mapaalis agad. Gaano man sila ka-edukado o kagaling, kailangan silang mapaalis. May ilang taong nagtatanong, “Hindi ba’t kawalan iyon ng pagmamahal?” Hindi, pagkilos iyon ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin Ko rito? Na gaano man kataas ang tayog mo, gaano man katindi ang determinasyon mong hangarin ang katotohanan o may pananampalataya ka man sa Diyos, isang bagay ang tiyak: Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hindi ito magbabago magpakailanman. Ito dapat ang maging saligan mo, ang pinakamatibay na pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos; dapat mo itong matiyak at hindi pag-alinlanganan sa iyong puso. Kung maging ito ay pag-aalinlanganan mo, hindi ka karapat-dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang ating bayan ay isang dakilang bayan, at ang ating lahi ay isang marangal na lahi; walang katulad ang dangal ng ating mga kaugalian at kultura. Hindi natin kailangang tanggapin ang katotohanan.” Hindi ba’t tinig iyon ng mga hindi mananampalataya? Tinig iyon ng mga hindi mananampalataya, at kailangang mapaalis ang gayong mga hindi mananampalataya. May ilang taong malimit magbunyag ng tiwaling disposisyon, at kung minsan, walang pakundangan at walang pagpipigil ang kanilang disposisyon, subalit tunay ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Kung sasailalim sila sa isang antas ng pagpupungos, makapagsisisi sila. Ang gayong mga tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataon. Medyo hangal ang mga tao, o hindi nila nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, o naililigaw sila, o, sa isang sandali ng kahangalan, maaari silang magsabi ng magulong bagay o umasal sa isang magulong paraan dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Dulot ito ng isang tiwaling disposisyon; dulot ito ng kahangalan, kamangmangan, at ng kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Gayunman, ang gayong mga tao ay hindi kauri ng mga hindi mananampalataya. Ang kinakailangan dito ay gamitin ang pakikipagbahaginan sa katotohanan upang malutas ang mga problemang ito. May ilang taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan at hindi nagbago kahit kaunti. Sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kinikilala ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi Ko ang mga bagay na ito? Ibig sabihin nito ay sinasabi Kong masipag ninyong hangarin ang katotohanan. Huwag lamang kayong magsikap. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, sa pamamagitan ng katotohanan. Ang pinakatuwirang paraan ay tulutan kayong maintindihan ang katotohanan at malutas ang mga praktikal na problema habang ginagampanan ang inyong mga tungkulin. Binibigyang-daan kayo nitong isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, mabibigyang-lugod ang Diyos, at mapapanatag ang Kanyang puso. Ano ba ang pinaka-ayaw makita ng Diyos? Marami nang binigkas na salita ang Diyos, marami na siyang ipinahayag na katotohanan, at malaki na ang inilaan Niyang pagsisikap at malaki na ang ibinayad Niyang halaga para sa inyo. Sa huli, ang nakakamit Niya ay isang grupo ng mga taong nagsisikap lamang, at ang natitira na lamang ay isang grupo ng mga taong nagtatrabaho. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, bagkus ay nagsisikap lamang sila. Bagaman nananatili ang mga taong ito, hindi sila umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi sila maituturing na mga tunay na nilikha. Ito ang pinaka-ayaw makita ng Diyos, at wala ito sa orihinal na layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan.

Kailangan ay buong puso ninyong tanggapin ang katotohanan at huwag kayong sumunod sa mga kalakaran ng mundo o mamuhay alinsunod sa pilosopiya ni Satanas. Ang pagsunod sa Diyos ay nangangailangan ng pagganap sa inyong tungkulin, at ang pagganap nang mabuti sa inyong tungkulin ay nangangailangan ng pagtanggap sa katotohanan. Napakahalaga nito. Maraming taong ipinagwawalang-bahala ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit pagkalipas ng maraming taon ng pananampalataya, at nagpapakita sila ng ganap na kawalan ng interes. Hindi mananampalataya ang mga taong ito at hindi magtatagal ay ititiwalag sila. May ilang taong nabubuhay lamang para sa laman, para sa personal na pakinabang, at pinapagod nila ang kanilang sarili sa mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, tinatalikuran ang mga tungkulin nila, hindi sineseryoso ang mga iyon, at hinahangad ang mga kasiyahan ng laman. Hindi ba’t masyado itong makasarili at kasuklam-suklam? Hindi minamahal ng gayong mga tao ang katotohanan, minamahal lang nila ang personal na pakinabang at banidad. Namumula ang kanilang mukha at nagagalit sila dahil sa maliliit na pakinabang, isinusuko ang kanilang integridad at dignidad bilang tao. Hindi ba’t sila ay mangmang at hangal? Ang mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan, anuman ang mga sitwasyong hinaharap nila, ay dapat munang hanapin ang katotohanan sa presensya ng Diyos. Dapat silang umiwas na makipagtalo o makipagbangayan sa iba. Ang gayong pag-uugali ay kulang sa gulang at walang kabatiran. Kapag nagtitipon-tipon ang maraming tao, lilitaw ang iba’t ibang suliranin dahil maraming uri ng tao at walang katapusan ang mga usapin tungkol sa tama at mali. Ganitong-ganito ang tiwaling sangkatauhan. Kapag kasama ang mga walang pananampalataya, mas malubha pa ang sitwasyon. Ang bawat araw ay puno ng antagonismo at nag-iinit na tensyon. Ganoon lang talaga kamapanganib ang mundo. Sa loob ng sambahayan ng Diyos, dahil ang lahat ng tao ay sumasampalataya sa Diyos, mas kaunti ang masasamang tao at mas kaunti ang mga insidente kung saan nasasamantala ang mga tao. Iilan lang ang pagtatalo at pag-aaway. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at lagi ninyong iniisip-isip ang mga bagay na ito, magiging abala at masasangkot ang puso ninyo sa mga iyon, at hindi kayo makalalapit sa Diyos. Kailangan ninyong makawala sa gayong mga kalagayan, at ipinakikita ng gayong pag-uugali ang isang tayog na kulang sa gulang. Ang mga taong may mga tayog na kulang sa gulang ay madalas na tumutuon sa mga bagay na ukol sa laman, sa sarili nilang mga kagustuhan, at sa pagtupad sa mga makasarili nilang pagnanais. Ang resulta, napababayaan nila ang lehitimong gawain ng pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang pamahalaan nang maayos ang mga bagay-bagay at madalas na nagkakamali, nagpapakita ng kakulangan sa gulang ng mga bata. Kailangan ninyong hangarin ang kahustuhan ng gulang sa buhay. Ano ba ang ibig sabihin Ko sa kahustuhan ng gulang? Ang ibig Kong sabihin ay ang maunawaan ang katotohanan, magkaroon ng tayog ng isang taong nasa hustong gulang, at maabot ang mga hinihingi ng Diyos at matupad ang mga ipinagkatiwala Niyang gawain. Ang ibig Kong sabihin ay ang magkaroon ng kakayahang pasanin ang tungkulin ng isang tao at ang magawang pasanin ang mga pangkalahatang tungkulin, magampanan ang mga tungkulin nang kasing husay ng iba at makamit ang kayang makamit ng iba, tinutularan ang mga taong mapagpasakop sa Diyos at hinahangad ang katotohanan, ginagawa ang dapat gawin ng mga tao at ginagampanan ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao, nagsisiyasat at naghahanap tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang proseso ng pag-unlad sa buhay ng isang tao. Kailangan ninyong hanapin at malaman kung paano siyasatin ang mga bagay-bagay tulad ng kung paano kumilos ang mga normal na tao, at kung paano kumilos ang mga taong nag-aasikaso sa mga wasto nilang tungkulin, pati na kung ano ang mga estilo, pamamaraan, at prinsipyong ginagamit ng ganoong uri ng mga tao habang gumagawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong nasa hustong gulang na ay kailangang harapin nang tama ang kanilang mga responsabilidad. Anuman ang mangyari, kahit pa bumagsak ang langit, kailangan nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin at huwag hayaang maantala ang mga wasto nilang tungkulin. Sa kabilang banda, madaling mapukaw ang kuryosidad ng mga bata tungkol sa mga bagay na nangyayari sa paligid nila. Gusto nilang lumabas at makita kung ano ang nangyayari. Maaari silang maapektuhan ng anumang insidente at magambala sila nito mula sa paggawa ng kung ano ang tama. Hindi ba’t kawalan ito ng pananagutan sa kanilang mga responsabilidad? Maaari silang magambala ng pinakamaliit na problema. Maaaring magulo ang kanilang puso ng isang komento mula sa isang tao o maaaring humantong ang isang biro sa mga hindi pagkakaunawaan at bugso ng damdamin na nagdudulot sa kanilang umasal nang negatibo sa loob ng dalawa o tatlong araw, na nakakaantala sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari pa nga nilang ikonsidera ang pagtigil at kailangang lagi silang suyuin at himukin ng mga lider at manggagawa, ibinabahagi sa kanila ang mga katotohanan at nangangatwiran sa kanila. Hindi ba’t isa itong tanda ng maliit na tayog at kakulangan sa gulang? Tila hindi kailanman tumatanda ang mga tao, nananatiling kulang sa gulang na parang mga bata—walang-muwang at katawa-tawa. Mababa ang tingin sa kanila, wala silang dignidad at integridad, at hindi nalulugod sa kanila ang Diyos.

Dapat ninyong pagtuunan ang katotohanan—saka lamang kayo magkakaroon ng buhay pagpasok, at kapag mayroon kayong buhay pagpasok, saka lamang kayo makapagtutustos para sa iba at makagagabay sa kanila. Kung natuklasan na ang mga ikinikilos ng iba ay sumasalungat sa katotohanan, dapat natin silang mapagmahal na tulungan upang pagpunyagian ang katotohanan. Kung nagagawa ng iba na isagawa ang katotohanan, at may mga prinsipyo sa kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay, dapat tayong matuto mula sa kanila at gayahin sila. Ito ang ibig sabihin ng pagmamahalan sa isa’t isa. Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino ang nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging makatarungan, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay. Kung ang kapaligirang namamayani sa loob ng iglesia ay ang pakikipagtsismisan, pakikialam sa isa’t isa, pagtatanim ng sama ng loob sa isa’t isa, paninibugho sa isa’t isa, at pakikipagtalo sa isa’t isa, tiyak ngang hindi gagawa sa inyo ang Banal na Espiritu. Ang pakikipag-alitan sa isa’t isa at palihim na awayan, pandaraya, panlilinlang, at pagbabalak ng masama laban sa isa’t isa—ito ay kapaligiran ng kasamaan! Kung ang gayong kapaligiran ang namamayani sa loob ng iglesia, tiyak ngang hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Sa Bibliya, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga sumusunod: “Kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20). Ito ang salita ng Diyos, ito ang katotohanan. Kapag nagsalita ang Diyos, natupad na ito. Kung sasalungat ka sa layunin ng Diyos at hindi ka susunod sa Kanyang mga salita, lalayo ang Diyos sa iyo. Kung hindi ka nagbabasa ng salita ng Diyos, hindi ka tumatanggap ng pagbubunyag, paghatol, o pagpupungos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at tinatanggihan mo ang tulong ng iyong mga kapatid, lagi kang tumutuon sa mga kapintasan at problema sa iba habang iniisip na ikaw mismo ay hindi ganoon kasama, itinuturing ang sarili mong mas magaling kaysa sa iba, nanganganib ka. Una, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at mapalalagpas mo ang mga pagpapala ng Diyos. Pangalawa, lalayo rin sa iyo ang iyong mga kapatid, at maiiwan kang walang sinumang katulong, kaya mahihirapan kang makinabang sa suporta nila. Kung wala ang gawain at mga pagpapala ng Diyos, kung wala ang tulong at pakinabang ng iyong mga kapatid, mamamalayan mong nasadlak ka sa mahirap na kalagayan, hindi makausad. Epektibo mo bang magagampanan ang gawain ng iglesia nang umaasa lamang sa kaloob at kasanayan ng tao? Ang lahat ay mawawalan ng saysay, pawang nasayang na pagsisikap. Hindi ba’t mapanganib na umabot sa gayong punto? Gaano katinding paghihirap ang mararanasan ng puso mo? Anu’t ano man, kailangan mong tahakin ang tamang landas, ang landas ng paghahangad sa katotohanan, upang matanggap mo ang mga pagpapala ng Diyos at ang tulong ng iyong mga kapatid. Walang patutunguhan ang pagtahak sa sarili mong landas, at ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay maititiwalag sa huli. Masisimulan ninyo itong mapahalagahan habang unti-unti ninyo itong nararanasan sa paglipas ng panahon. Sa lahat ng pagsisikap ninyo, kailangan ninyong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo hanggang sa maging iisa ang puso at isip ninyo, saka lamang kayo makapagtutulungan nang maayos, tulad lang ng mga hibla ng lubid na sama-samang pinilipit. Kapag mayroong maayos na pagtutulungan, magagampananan ninyo nang mabuti ang inyong mga tungkulin at mabibigyang-lugod ang Diyos.

Setyembre 19, 2017

Sinundan: Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan

Sumunod: Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito