Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon
Ano ang buhay pagpasok? Ito ay kapag pagkatapos maunawaan ang katotohanan, nakikilala ng mga tao ang Diyos, nagpapasakop sa Kanya, napagninilayan at nalalaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at naiwawaksi ang mga ito, at sa gayon ay naisasagawa nila ang katotohanan. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan at tunay na nakapagpapasakop sa Diyos, nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ang mga nakapagsasagawa ng katotohanan ay yaong mga mayroong buhay pagpasok. Sa sandaling nagiging buhay ng isang tao ang katotohanan, hindi na siya malilimitahan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay—magagawa niyang tunay na magpasakop sa Diyos, at tunay na mahalin ang Diyos, at tunay na sambahin ang Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagtataglay ng katotohanang realidad at tunay na patotoo; iyon ang panghuling resulta ng buhay pagpasok. Kung nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ang isang tao, ngunit namumuhay pa rin sa satanikong disposisyon, kumikilos ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, nang hindi nananalangin o naghahanap sa katotohanan, matagal nang nananampalataya nang hindi nagbabago kahit kaunti, at halos hindi naiiba sa isang walang pananampalataya, kung gayon ang taong tulad niyon ay walang buhay pagpasok, hindi niya nakamit ang katotohanan, at hindi niya natamo ang buhay. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, ikaw ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi mo magagawang magpasakop sa Diyos, mahalin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, o maging matatag, kahit na gustuhin mo. Kung hindi mo magagawang maging matatag, sa anong uri ng kalagayan ka makukulong? Hindi ba’t palagi kang makukulong sa isang kalagayan ng pagkanegatibo? Palagi kang matatangay ng iyong kapaligiran, natatakot na matiwalag ka, natatakot sa pagkayamot ng Diyos, natatakot sa kung ano-ano, pasibo at atubiling ginagawa nang kaunti ang iyong tungkulin, at naghahanda ng ilang mabubuting gawa. Sa pangkalahatan, ikaw ay hihilahin, aakayin, at hihimukin, at ang bahagi mo na aktibo at mapagkusa ay magiging napakaliit, kaya hindi magiging kasiya-siya ang mga resultang nakukuha mo sa paggawa ng iyong tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman maibibigay ang kanilang puso sa Diyos, kaya’t nalilimitahan at nagagapos sila ng maraming tao, pangyayari, at bagay, at palagi silang nakakulong sa isang negatibong kalagayan. Dahil dito, sobrang nakapapagod ang buhay nila. Sila ay nasa matinding pasakit, at hindi sila makahanap ng kalayaan at paglaya. Pagtagal, hindi na sila kayang alalayan ng sarili nilang katatagan ng loob, at namumuhay sila araw-araw sa loob ng isang satanikong disposisyon, katulad na lamang ng mga walang pananampalataya. Ang ganitong uri ba ng pananampalataya sa Diyos ay makapagbibigay-kakayahan sa isang tao na magkamit ng kaligtasan? Sinasabi ng ilang tao: “Masigasig ako, handa akong gumawa ng mga bagay para sa Diyos. Bata pa ako, mayroon akong sigla at determinasyon, at hindi ako natatakot sa mga paghihirap.” May silbi ba ang lahat ng iyon? Wala. Walang silbi ang iyong sigla, gaano ka man kasigla. Gaano katagal sasapat ang kaunting lakas ng isang tao? Madalas pa rin siyang mabibigo at madadapa, at mapaparalisa siya kapag nahulog siya sa pagkanegatibo. Walang halaga ang manampalataya sa Diyos kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung wala kang tunay na pananalig. Kung mayroon ka lamang kasigasigan o kasiglahan, wala itong silbi. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang buhay, ang mga iyon ay panandaliang sigasig at interes lamang ng isang tao. Mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Lalaki man sila o babae, matanda o bata, lahat sila ay may panandaliang mga bugso ng sigla, pansamantalang sigasig, mga pansamantalang udyok ng damdamin; lahat sila ay may mga pagkakataong nag-aalab ang damdamin, kapag napupukaw sila, pero iyon ay lakas ng loob na nagmumula sa pagkamainitin ng ulo, at hindi ito nagtatagal. Babagsak sa isang kisap-mata ang mga teorya, adhikain, at pangarap ng mga tao, at kung wala ang katotohanan, hindi makakapanindigan ang mga tao. Magagawa ba nang maayos ng isang taong namumuhay sa pagkamainitin ng ulo ang kanyang tungkulin? Kaya ba niyang palugurin ang Diyos? (Hindi, hindi niya kaya.) Kaya, kailangang magkaroon ng buhay pagpasok ang mga tao, dapat silang pumasok sa katotohanang realidad. May mga nagsasabing: “Bakit masyadong nakakapagod pumasok sa katotohanang realidad? Bakit ako nakagapos sa napakaraming gusot? Ano ang dapat kong gawin?” Makakaasa ba ang mga tao sa kanilang sarili para malutas ang problemang ito? May ilan na nagsasabing: “Mayroon akong katatagan ng loob at determinasyon. Hindi ako natatakot sa mga paghihirap. Buo na ang isip ko. Pagtatagumpayan ko ang bawat balakid, haharapin ko ang mga pagsubok na ito. Hindi ako natatakot sa anumang bagay. Kahit gaano kahirap, magpupursige ako hanggang sa dulo!” Kapaki-pakinabang ba ito? Sa totoo lang, kaya sila nitong alalayan nang kaunti, ngunit mananatili pa rin ang kanilang mga praktikal na paghihirap, at mag-uugat pa rin sa loob nila ang isang tiwaling disposisyon, at hindi ito nagbabago. Kung magpapatuloy ka sa pagsunod sa Diyos hanggang sa dulo, pero hindi mo binago ang iyong buhay disposisyon o hindi ka nakapasok sa katotohanang realidad, matatamo mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi mo pa rin matatamo. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang isyu ng kung kaya mo bang magpatuloy hanggang wakas o hindi. Ang susi ay kung makakamit mo ba ang katotohanan, ang buhay, at ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kung hindi makakapasok sa katotohanang realidad ang isang tao, kung hindi niya magagawang buhay niya ang katotohanan, magtatagal ba nang mahabang panahon ang kanyang bugso ng kasigasigan o kasiglahan? Hindi ito magtatagal. Dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at gamitin ang katotohanan para palitan ang kanilang kasigasigan o kasiglahan. Kapag nalutas na ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at nagtataglay siya ng pananalig at mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan, magagawa niyang magtiyaga nang hindi natitinag at patuloy na magsikap sa kabila ng lahat ng kabiguan. Ano man ang kapaligiran, mga balakid, o maging mga tukso na makakaharap niya, palagi siyang aasa sa Diyos at babaling sa Kanya upang magtagumpay laban kay Satanas. Para makamit ang resultang ito, kailangan mong madalas na lumapit sa Diyos, magtapat sa Kanya, sabihin sa Kanya ang mga paghihirap mo sa iyong panalangin, at makipag-usap nang tapat sa Kanya. Isa pa, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin sa realidad, at sa iyong totoong buhay, dapat kang maghanap kung paano kumilos para maisagawa mo ang katotohanan. Dapat kang maghanap at makipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, na may kakayahang maarok ang katotohanan, at mula roon ay makakuha ng kaunting kaliwanagan at pagpapatibay, at makahanap ng landas ng pagsasagawa. Kapag naisasagawa mo ang katotohanan, hindi ba’t malulutas niyon ang problema mo? Kung palagi kang nagpipigil at hindi nagbabahagi, iniisip na: “Baka balang araw, lalago ang tayog ko, at natural ko na lang mauunawaan ang katotohanan, kaya hindi ko ito kailangang harapin ngayon”—malabo ang ganitong uri ng pag-iisip, hindi makatotohanan, at malamang na makaantala ng mga bagay. Ang problemang ito ay malulutas sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan. Kung may abilidad kang makaarok, malulutas mo rin ang problema sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Bakit hindi mo sineseryoso ang paglutas sa problemang ito? Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, kusa na lang bang mawawala ang problema? Isang hangal na pag-iisip iyon.
Kapag sumapit sa inyo ang mga bagay-bagay ngayon, nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan? Natutunan na ba ninyo kung paano hanapin ang katotohanan? Bukod sa pagkakabisado sa ilang prinsipyo sa inyong propesyonal na larangan nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan pagdating sa inyong sariling buhay pagpasok—na pabutihin ang inyong iba’t ibang kalagayan at baguhin ang inyong tiwaling disposisyon? Kung nagrereklamo ka pa rin kapag pinupungusan ka dahil may ginawa kang isang bagay na lumabag sa mga prinsipyo, kung nalilimitahan ka pa rin dahil pinungusan ka, at kung umaabot ka sa puntong susukuan mo ang iyong sarili, iniisip na matitiwalag ka, at nagiging negatibo at nagpapakatamad, kung gayon hindi ba’t napakalubha ng iyong satanikong disposisyon na nasasakal ka na nito? Pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, napakarami at napakalaki ng mga suliranin ng mga tao; kapag nahaharap sila sa mga problema, lumilitaw ang mga negatibong bahagi nila nang agad-agad at nang napakatagal, at napakabagal at napakakaunti ng kanilang pagsasagawa sa katotohanan. Kapag nahaharap ang mga tao sa mga partikular na kapaligiran, o nakapapansin ng ilang sulyap mula sa iba, o nakaririnig ng ilang salitang binibigkas, o nakatutuklas ng ilang uri ng impormasyon, lilitaw ang mga negatibong bagay sa kanila, anumang oras at lugar. Ito ay mga likas na pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ano ang pinapatunayan nito? Pinapatunayan nito na walang elemento ng katotohanan sa loob ng buhay ng tao. Ang hindi pa napoprosesong mga bagay na natural na ibinubunyag ng mga tao, iniisip mo man ang mga ito sa iyong ulo, o sinasabi ang mga ito ng iyong bibig, o kung ang mga ito ay isang bagay na layon o plano mong gawin—sinasadya man o hindi sinasadya—lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa iyong tiwaling disposisyon. Mula saan nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Masasabi nang may katiyakan na nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao mula sa kanilang satanikong kalikasan, iyon ang pinagmulan. Kung isasaalang-alang ang mga tiwaling bagay na ibinubunyag ng mga tao, malinaw na walang anumang katotohanang realidad ang mga tao, na wala silang anumang normal na pagkatao, at na wala silang anumang normal na katwiran. Ngayon, maaari ninyong himayin ang inyong mga sarili. Kung bibigyan ninyo ng pansin at pagtutuunan ang pagninilay-nilay sa sarili, malalaman ninyo kung tama o hindi ang inyong mga hangarin, iniisip, at pananaw, at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan o hindi. Karaniwang magagawa ninyong tukuyin nang kaunti ang mga bagay na ito at mauunawaan ang mga ito. Kaya, pagkatapos ninyong maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan para sa isang solusyon? O hahayaan ninyo ang mga ito na kusang mabuo, iniisip na: “Gusto kong mag-isip sa ganitong paraan, ang pag-iisip nang ganito ay kapaki-pakinabang sa akin. Walang karapatang makialam ang ibang tao. Kung hindi ko sasabihin ang mga bagay na ito nang malakas, o kikilos ayon sa mga ito, kung iisipin ko lang ang mga ito, hindi ba’t ayos lang iyon?” Hindi ba’t may mga taong gumagawa nito? Anong pagpapamalas ito? Malinaw na alam nilang mali ang pag-iisip nang ganito, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi nila isinasantabi ang mga kaisipang ito, o naghihimagsik laban sa mga ito. Nagpapatuloy sila sa pag-iisip at pagkilos sa ganoong paraan, ganap na walang pakialam. Hindi mahal ng mga taong ito ang katotohanan, at hindi nila kayang manindigan.
Ang ilang tao ay hindi gumampan ng tungkulin, at hindi sila sineseryoso ninuman—iniisip ng mga taong ito na bilang mananampalataya sa Diyos, sapat na ang basahin lamang ang mga salita ng Diyos, na mamuhay ng isang buhay iglesia, at na karaniwang huwag gumawa ng masasamang bagay o kumilos nang imoral tulad ng mga walang pananampalataya; iniisip nila na baka sa huli ay makatanggap sila ng mga biyaya, at makaligtas. Kumakapit ang mga tao sa ganitong uri ng mapangarapin na pag-iisip sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung titingnan, hindi sila gumagawa ng anumang mabibigat na pagkakamali, pero wala silang anumang buhay pagpasok, ni hindi nila nakamit ang anumang katotohanang realidad. Sa sandaling sineryoso sila ng isang tao, napagtatanto nila na puno sila ng mga problema at pagkukulang, at nagiging negatibo sila, iniisip na: “Tapos na ang lahat, hindi ba? Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at wala akong nakamit mula rito. Mukhang hindi talaga madaling manampalataya sa Diyos!” Nanlalamig sila, at ayaw na nilang magsikap tungo sa katotohanan. Pagkalipas ng ilang panahon, nakararamdam sila ng kahungkagan, at pakiramdam nila ay kailangan nilang hangarin ang katotohanan para magkaroon ng pag-asa. Kapag sinimulan nilang gawin ang kanilang tungkulin, at muli silang sineseryoso ng mga tao, sa wakas ay nararamdaman nila na: “Kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanan, kung hindi, napakadali para sa kanila na magkamali. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, palagi silang gagawa ng mga pagsalangsang, at mapupungusan. Kung aasa sila sa kanilang sigasig sa paggawa ng mga bagay-bagay, pupungusan din sila. Dapat akong maging maingat sa lahat ng bagay. Talagang hindi ako dapat magsalita o kumilos nang walang ingat. Hindi ako dapat makialam sa mga bagay-bagay. Mas mabuti nang maging duwag kaysa mamukod-tangi.” Iniisip nila na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay ganap na wasto, na walang sinuman ang makatutukoy ng anumang pagkakamali rito, pero nakaligtaan nila ang pinakamahalagang punto, na dapat nilang hangarin ang katotohanan. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni hindi nila hinahangad ang sarili nilang buhay pagpasok, at iyon ang kanilang pinakamalubhang kapintasan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kontento na sila na natatapos lang nila ang gawain. Para matapos ang kanilang gawain, nagtatrabaho sila mula madaling araw hanggang dapit-hapon, at kung minsan ay masyado silang abala na wala na silang pakialam kung hindi sila makakain nang dalawang beses. Kaya talaga nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero wala silang buhay pagpasok. Sa bawat pagkakataon, mapagbantay sila sa iba, sa takot na magkamali sila at mapungusan. Tama ba ang ganitong kalagayan? Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? Kung gagawin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang ganito hanggang sa wakas, makakamit ba nila ang katotohanan o makapapasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t marami sa inyo ang ganito? Hindi ba’t madalas kayong nasa ganitong kalagayan? (Oo.) Alerto ba kayo, iniisip na ito ay isang masamang kilos, na namumuhay kayo sa negatibong kalagayan? Kapag nangyayari sa inyo ang mga bagay-bagay, palagi kayong kumikilos na parang mga duwag, palagi kayong kumikilos na parang mapagpalugod ng mga tao, palaging nakikipagkompromiso, palaging neutral sa mga usapin, hindi kailanman pinasasama ang loob ng sinuman o pinakikialaman ang mga bagay-bagay, hinding-hindi gumagawa ng kalabisan—para kayong nakatayo sa sarili ninyong posisyon, kumakapit sa inyong tungkulin, ginagawa ang anumang ipinapagawa sa inyo, hindi nakatayo sa harapan o sa likod, at sumasabay lang sa agos—sabihin ninyo sa Akin, sa palagay ba ninyo kung magpapatuloy kayo sa paggawa ng inyong tungkulin sa ganitong paraan hanggang sa huli, makakamit ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos? Alam ba ninyo na lubhang mapanganib ang ganitong uri ng kalagayan, na hindi lamang ninyo hindi makakamit ang pagpeperpekto ng Diyos, kundi malamang na sasalungatin din ninyo ang disposisyon ng Diyos? Hinahangad ba ng ganitong uri ng taong maligamgam ang katotohanan? Siya ba ang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan? Madalas na ibinubunyag ng isang taong namumuhay sa ganitong kalagayan ang mga kaisipan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung basta lang nasisindak at natatakot ang isang tao nang walang magandang dahilan, iyon ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Kahit na isubsob niya ang sarili sa kanyang tungkulin, magbitiw siya sa kanyang trabaho, at talikuran niya ang kanyang pamilya, kung hindi niya ibinibigay sa Diyos ang kanyang puso, at nagiging mapagbantay siya laban sa Diyos, iyon ba ay isang mabuting kalagayan? Iyon ba ang normal na kalagayan ng pagpasok sa katotohanang realidad? Hindi ba’t nakakatakot ang pagpapatuloy ng kalagayang ito sa hinaharap? Kung magpapatuloy ang isang tao sa ganitong kalagayan, makakamit ba niya ang katotohanan? Makakamit kaya niya ang buhay? Makapapasok ba siya sa katotohanang realidad? (Hindi.) Alam ba ninyo na kayo mismo ay nagtataglay ng mismong kalagayang ito? Kapag namalayan na ninyo ito, iniisip ba ninyo na: “Bakit ba palagi akong mapagbantay laban sa Diyos? Bakit ba palaging ganito ako mag-isip? Masyadong nakakatakot ang mag-isip nang ganito! Ito ay pagsalungat sa Diyos at pagtanggi sa katotohanan. Ang pagiging mapagbantay laban sa Diyos ay kapareho rin ng paglaban sa Kanya”? Ang kalagayan ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos ay kagaya lamang ng pagiging isang magnanakaw—hindi ka nangangahas mamuhay sa liwanag, natatakot kang ilantad ang iyong mala-demonyong mukha, at kasabay nito, natatakot ka: “Hindi pinaglalaruan ang Diyos. Kaya Niyang hatulan at kastiguhin ang mga tao sa lahat ng oras at lugar. Kung gagalitin mo ang Diyos, sa mga hindi malalang kaso, pupungusan ka Niya, at sa mga malalang kaso, parurusahan ka Niya, bibigyan ng sakit, o pahihirapan ka. Hindi kakayanin ng mga tao ang mga bagay na iyon!” Hindi ba’t mayroong ganitong mga maling pagkaunawa ang mga tao? Ito ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong kalagayan? Kapag ang isang tao ay nasa ganitong kalagayan, kapag mapagbantay siya laban sa Diyos, at palaging may ganitong mga kaisipan, kapag palagi siyang mayroong ganitong saloobin sa Diyos, tinatrato ba niya ang Diyos bilang Diyos? Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Kapag nananampalataya ang isang tao sa Diyos sa ganitong paraan, kapag hindi niya tinatrato ang Diyos bilang Diyos, hindi ba iyon isang problema? Sa pinakamababa, hindi tinatanggap ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ni hindi nila tinatanggap ang katunayan ng Kanyang gawain. Iniisip nila: “Totoong maawain at mapagmahal ang Diyos, pero mapagpoot din Siya. Kapag sumapit ang poot ng Diyos sa isang tao, nakapipinsala ito. Kaya Niyang hampasin ang mga tao anumang oras, wasakin ang sinumang naisin Niya. Huwag pukawin ang galit ng Diyos. Totoong hindi nalalabag ang Kanyang pagiging maharlika at ang Kanyang poot. Dumistansiya ka sa Kanya!” Kung ang isang tao ay may ganitong uri ng saloobin at mga ideyang ito, magagawa ba niyang lubos at taos-pusong humarap sa Diyos? Hindi niya magagawa. Kung gayon ay hindi ba’t may distansya sa pagitan nila ng Diyos? Hindi ba’t maraming bagay ang naghihiwalay sa kanilang dalawa? (Oo.) Aling mga bagay ang humahadlang sa mga tao sa pagharap sa Diyos? (Ang kanilang mga kinabukasan at tadhana.) (Kasikatan, pakinabang, at katayuan.) Ano pa? Aling mga bagay ang nagsasanhing maging tutol ang mga tao sa katotohanan, tanggihan ang katotohanan, tanggihan ang panustos ng buhay ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas? Pagnilayan ito: Aling mga aspekto ng mga tao ang humahadlang sa kanila sa taos-pusong pagharap sa Diyos, at sa pagsasagawa sa katotohanan, at sa pagbibigay ng kanilang mga katawan at puso sa Diyos para mangasiwa at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito? Aling mga bagay ang nagsasanhing matakot ang mga tao sa Diyos, at magkamali ng pag-unawa sa Diyos? Mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pati na mga satanikong pilosopiya, at mga satanikong kaisipan; mapanlinlang sila, mapagbantay sila laban sa Diyos sa bawat pagkakataon, walang tiwala at may maling pagkaunawa sa Kanya. Kapag narumihan sila ng lahat ng bagay na ito, kaya ba talagang magtiwala ng isang tao sa Diyos? Matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos bilang buhay niya? Sinasabi ng ilang tao: “Kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos araw-araw. Kapag binabasa ko ang mga salita Niya at naaantig ako ng mga ito, nagdarasal ako. Pinahahalagahan ko ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Binabasa ko ang mga ito araw-araw, at madalas akong nagdarasal nang tahimik, at umaawit ng mga himno na nagpupuri sa Diyos.” Bagama’t mabuti ang ganitong espirituwal na buhay, kapag sumapit ang mga bagay sa ganitong mga tao, kumikilos pa rin sila batay sa kanilang sariling mga ideya, hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan, at wala sa mga doktrinang naiintindihan nila ang may epekto sa kanila. Ano ba ang nangyayari dito? Hindi mahal ng mga tao ang katotohanan. Sinasabi nila na pinahahalagahan nila ang mga salita ng Diyos, pero hindi nila inihahambing ang kanilang sarili sa mga ito, at hindi nila isinasagawa ang mga ito. Napakalaking suliranin nito, at kaya naman, napakahirap para sa mga tao na pumasok sa katotohanang realidad. Hindi kailanman nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ni wala silang katiting na kaalaman sa Diyos, kaya tiyak na mayroon silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at mayroong pader sa pagitan nila ng Diyos. Hindi ba’t lahat kayo ay may personal na karanasan dito? Sinasabi mo na: “Ayaw kong magbantay laban sa Diyos, gusto kong tunay na magtiwala sa Kanya, pero kapag may nangyari sa akin, hindi ko maiwasang magbantay laban sa Kanya. Gusto kong isara ang sarili ko at ihiwalay ang sarili ko sa Diyos, at gumamit ng mga satanikong pilosopiya para protektahan ang aking sarili. Ano ba ang mali sa akin?” Ipinapakita nito na walang katotohanan ang mga tao, sila ay namumuhay pa rin sa mga satanikong pilosopiya, at kontrolado pa rin sila ni Satanas. Iyon ay kahabag-habag na wangis na taglay ng mga tao dahil sa kanilang satanikong kalikasan—mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Ang hindi pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamalaking hadlang sa buhay pagpasok. Kung hindi malulutas ang problemang ito, mahirap para sa isang tao na ibigay ang kanyang puso sa Diyos, na makamit ang gawain ng Diyos, o pumasok sa katotohanang realidad. Naranasan na ba ninyong lahat ito? Paano malulutas ang bagay na ito? Dapat mong pagnilayan at subukang kilalanin ang iyong sarili, at tingnan kung aling mga bagay ang humahadlang sa iyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang paglutas ng problemang ito ay susi.
Ang paghahangad ba sa katotohanan ay kasingkomplikado o kasinghirap ng paghahangad sa isang larangan ng kaalaman? Sa totoo lang, hindi naman ito ganoon kahirap, depende lang ito sa kung mahal ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi likas na mahirap; mas kaunting pagsisikap ang kailangan nito kaysa sa pag-aaral ng isang partikular na larangan ng agham—mas madali pa nga ito kaysa sa paghahanapbuhay. Bakit ganoon? Ang realidad ng katotohanan ang dapat isabuhay at taglayin ng mga may normal na pagkatao. Nauugnay ito sa normal na pagkatao ng mga tao, kaya hindi ito nakahiwalay sa kanilang mga iniisip at ideya, sa lahat ng iniisip nila, sa lahat ng kilos at pag-uugali nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o sa kanilang isipan. Ang katotohanan ay hindi isang teorya, hindi rin ito isang larangan ng akademya, ni isang propesyon. Ang katotohanan ay hindi hungkag. Ang katotohanan ay malapit na nauugnay sa normal na pagkatao—ang katotohanan ay ang buhay na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Magagawa nitong itama ang lahat ng iyong kapintasan, ang iyong masasamang gawi, at ang iyong mga negatibo at maling pag-iisip. Mababago nito ang iyong satanikong disposisyon, maaari itong maging iyong buhay, maaari itong magbigay-daan na taglayin mo ang pagkatao at pagkamakatwiran, magagawa nitong normal ang iyong mga kaisipan at mentalidad—magagawa nitong normal ang bawat bahagi mo. Kung magiging buhay mo ang katotohanan, magiging normal ang isinasabuhay mo at ang lahat ng iyong pagbubunyag ng pagkatao. Kaya, ang paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi isang malabo, hindi maaarok na bagay, ni isang bagay na napakahirap. Ngayon, bagama’t mahal ninyo ang katotohanan nang kaunti at handa kayong magsumikap na maging mas mabuti, hindi pa kayo nakatuntong man lang sa landas. Ang unang hakbang ay palaging ang pinakamahirap. Hangga’t naisasagawa ninyo ang katotohanan at natitikman ang tamis nito, iisipin ninyo na ang paghahangad sa katotohanan ay isang madaling bagay.
Kung ang isang tao ay walang katotohanan bilang buhay niya at palagi siyang namumuhay sa isang tiwaling disposisyon, paano iyon naipapamalas? Kapag ang isang tao ay hindi nakamit ang katotohanan, natural na walang paraan para maiwaksi niya ang mga hadlang at gapos ng kanyang satanikong kalikasan. Ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya ay likas na pagmamataas at kapalaluan, pagiging awtokratiko, arbitraryo at walang-ingat, pagsisinungaling at pandaraya, pagiging lihim na mapanira at panlilinlang, pagnanasa ng kasikatan at pakinabang, paghahangad lamang ng pakinabang, at pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama. Higit pa rito, sa kanyang pakikitungo sa ibang tao, may tendensiya siyang pagdudahan, husgahan, at atakihin ang iba. Palagi siyang nagsasalita at kumikilos batay sa kanyang mga kagustuhan; palagi siyang mayroong mga pansariling intensyon at pakay, at palagi siyang may mga pagkiling laban sa iba. Palagi siyang nagiging negatibo kapag nahaharap sa mga hadlang o pagkabigo. Kung minsan, sobra pa siya sa mayabang; minsan, napakanegatibo niya at parang gusto na niyang lamunin ng lupa. Palagi siyang nagmamalabis—kung hindi siya nagiging mapanlaban, negatibo siya at sinusubukan niyang magmukhang kaawa-awa. Hindi siya kailanman normal. Ito ang kalagayan ninyo ngayon. Handa kayong magdusa at magbayad ng halaga, at puno kayo ng kapasyahan at determinasyon, pero wala sa inyo ang katotohanang realidad. Kung itinuturing ng isang tao na buhay niya ang katotohanang realidad, paano iyon maipapamalas? Una sa lahat, magagawa niyang magpasakop sa Diyos, at isabuhay ang wangis ng tao; magiging isa siyang matapat na tao, isang taong nagbago ang buhay disposisyon. May ilang katangian ang pagbabago sa buhay disposisyon. Ang unang katangian ay ang makapagpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan. Sinuman ang nagbibigay ng opinyon, matanda man o bata, nakakasundo mo man sila o hindi, kilala man ninyo sila o hindi, pamilyar man kayo sa kanila o hindi, maganda man ang relasyon ninyo sa kanila o masama, basta’t ang sinasabi nila ay tama, umaayon sa katotohanan, at kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, magagawa mong pakinggan, gamitin, at tanggapin ito, nang hindi naiimpluwensiyahan ng iba pang bagay. Ang magawang tumanggap at magpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan ang unang katangian. Ang pangalawang katangian ay ang magawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari; hindi lamang ito tungkol sa magawang tanggapin ang katotohanan, tungkol din ito sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi pagharap sa mga bagay ayon sa sarili mong kalooban. Anuman ang mangyari sa iyo, magagawa mong maghanap kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang bagay-bagay, at tingnan kung paano haharapin ang isyu, at kung paano magsasagawa sa paraang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang pangatlong katangian ay ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos anumang isyu ang kinakaharap mo, nagrerebelde ka sa laman para makapagpasakop sa Diyos. Isasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, at gagampanan mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Anuman ang mga hinihingi ng Diyos para sa tungkuling ito, kikilos ka ayon sa mga hinihinging iyon habang ginagampanan ito, at kikilos ka para mapalugod ang Diyos. Dapat mong maarok ang prinsipyong ito, at gampanan ang iyong tungkulin nang responsable at may debosyon. Ito ang ibig sabihin ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo alam kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o paano palugurin ang Diyos sa isang partikular na bagay, kailangan mong maghanap. Dapat ninyong ikumpara ang inyong sarili sa tatlong katangiang ito ng disposisyonal na pagbabago, at alamin kung taglay ninyo ang mga katangiang ito o hindi. Kung may praktikal na karanasan kayo at mga landas ng pagsasagawa sa tatlong aspektong ito, mahaharap ninyo ang bagay-bagay nang may prinsipyo. Anuman ang sumapit sa inyo o anumang problema ang kinakaharap ninyo, kailangan mong hanapin palagi kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at kung anong mga detalye ang kabilang sa loob ng bawat katotohanang prinsipyo, at kung paano magsagawa nang hindi nilalabag ang mga prinsipyo. Kapag nalinawan kayo na sa mga problemang ito, natural na malalaman ninyo kung paano isasagawa ang katotohanan.
Kapag maayos ang lahat, tila walang halatang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ang mga tao, at dahil dito, iniisip nila na mabuti sila, na nagbago na sila, at na nasa kanila ang katotohanang realidad. Pero kapag sumasapit sa kanila ang mga tukso o mahahalagang bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, kusang nabubunyag ang kanilang tiwaling disposisyon. Nasasadlak sila sa pagkanegatibo at pagkalito, hindi alam ang wastong paraan ng pagsasagawa, nababalot ng mga paghihirap. Halimbawa, ang pagiging matapat na tao at pagsasalita ng totoo ay pagsasagawa ng katotohanan. Kapag sinisikap mong magsalita nang tapat, anong mga paghihirap ang kinakaharap mo? Anong mga hadlang ang kinakaharap mo? Aling mga bagay ang naglilimita at gumagapos sa iyo at humahadlang sa iyo na magsalita nang tapat? Ang pride, katayuan, banidad, gayundin ang iyong mga damdamin, at mga personal na kagustuhan—lahat ng bagay na ito ay maaaring lumitaw anumang sandali, at pinipigilan at nililimitahan ng mga ito ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang mga bagay na ito ay mga tiwaling disposisyon. Anuman ang sitwasyon mo, maaaring maging hindi normal ang iyong kalagayan dahil sa mga tiwaling disposisyon, na nagdudulot ng lahat ng uri ng negatibong bagay, nililimitahan at kinokontrol ka sa lahat ng paraan, pinipigilan ka at pinahihirapan kang maisagawa ang katotohanan at mapaglingkuran ang Diyos. Masyado kang mapapagod dahil sa lahat ng ito. Sa panlabas, tila malaya ang mga tao, pero ang totoo, mahigpit silang nakagapos ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon. Wala silang anumang kalayaang pumili, napakahirap para sa kanila na gumawa ng kahit isang hakbang, at namumuhay sila ng nakakapagod na buhay. Kadalasan, kinakailangan ng matinding pagsisikap para makapagsalita sila nang totoo o gumawa ng anumang praktikal na bagay. Hindi nila kayang magawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin o maging tapat sa Diyos, kahit na gusto nila, at kung nais nilang isagawa ang katotohanan o magpatotoo para sa Diyos, magiging mas mahirap pa ito. Labis itong napakahirap para sa kanila! Hindi ba’t namumuhay sila sa kulungan ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon? Hindi ba’t namumuhay sila sa ilalim ng madilim na impluwensiya ni Satanas? (Ganoon na nga.) Kung gayon paano ito maiwawaksi ng mga tao? Mayroon bang ibang landas bukod sa pagsasagawa ng katotohanan at pagkakamit ng buhay pagpasok? Talagang wala. Maililigtas ba ng kaalaman sa tradisyonal na kultura ang mga tao at mapapalaya ba sila nito mula sa impluwensiya ni Satanas? Paano naman ang pagkaunawa sa kaalaman sa Bibliya? Paano naman ang kakayahang magsalita ng mga espirituwal na doktrina? Hindi, wala sa mga bagay na ito ang makapagliligtas sa mga tao at makapagpapalaya sa kanila mula sa impluwensiya ni Satanas. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa gawain ng Diyos at sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos malulutas ang problema sa mga tiwaling disposisyon; saka lamang magtatamo ang mga tao ng pagkaunawa sa katotohanan, makakamit ang katotohanan, at magiging malaya sa impluwensiya ni Satanas. Kung nagsisikap ang isang tao na maging isang mabuting tao at hindi gumagawa ng anumang masama, pero hindi niya binabago ang kanyang disposisyon, magiging malaya ba siya sa impluwensiya ni Satanas? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Tao Te Ching, Budistang kasulatan, o tradisyonal na kultura? Makikilala kaya niya ang Diyos? Malilinis ba ang kanyang tiwaling disposisyon kung kakapit siya sa tradisyonal na kultura at hindi hahangarin ang katotohanan? Makakamit ba niya ang kaligtasan ng Diyos? Ang mga taong gumagawa nito ay niloloko lamang ang kanilang mga sarili, at hindi nila malulutas ang alinman sa kanilang mga problema. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, pero magulo pa rin ang kanilang pananampalataya. Wala silang interes na hangarin ang katotohanan; kontento na sila sa paggawa lang ng kanilang tungkulin. Iniisip nila na hangga’t hindi sila gumagawa ng masama, o hindi gaanong gumagawa ng masama, at hangga’t gumagawa sila ng higit na kabutihan at mga bagay na kawang-gawa, hangga’t mas marami silang ginagawa para tulungan ang iba nang may pagmamahal, hangga’t hindi sila umaalis sa iglesia o nagkakanulo sa Diyos, mapapalugod niyon ang ibang tao at ang Diyos, at magkakaroon sila ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Makatwiran ba ang ideyang ito? Ang pagiging mabuting tao ba ay makapagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao? Makakamit ba nila ang kaligtasan sa ganitong paraan? Magkakaroon ba sila ng bahagi sa kaharian? Nakikita ninyong lahat, maraming diumano’y “mabubuting tao” sa mundo na nagsasalita ng matatayog na salita—bagama’t sa panlabas, tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan, ang totoo ay labis silang mapanlinlang at tuso. Napakahusay nilang magpakana upang umangkop sa sitwasyon, matamis silang magsalita. Sila ay huwad na mabubuting tao at mapagpaimbabaw—nagpapanggap lamang silang mabuti. Ang mga taong walang pinapanigan sa mga usapin ay ang mga taong pinakamapanira sa lahat. Wala silang sinasalungat, mabulaklak magsalita at tuso, sa lahat ng sitwasyon ay magaling silang magkunwari na nakikiayon sila, at walang nakakakita sa kanilang mga pagkakamali. Sila ay mga buhay na Satanas! Mayroon bang ganitong mga tao sa inyo? (Mayroon.) Hindi ba ninyo naiisip na nakakapagod ang pamumuhay sa ganitong paraan? (Oo, nakakapagod ito.) Kung gayon nakaisip ba kayo ng paraan upang magbago? Paano kayo magbabago? Saan dapat magsimula ang pagsulong? (Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan.) Huwag sabihin na “sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pagpasok sa katotohanang realidad.” Ito ay kahambugan, at hindi maaabot ng tao, kaya tila walang kabuluhan ang mga salitang ito. Sa halip ay kailangan nating magsimula sa mga detalye. (Sa pagiging matapat na tao.) Iyon ay isang kongkretong pagsasagawa. Maging isang matapat na tao, o sa mas detalyadong pananalita: Maging isang simple at bukas na tao, na walang anumang pinagtatakpan, hindi nagsisinungaling, nagiging prangka, at maging isang direktang tao na may pagpapahalaga sa katarungan, na kayang magsalita nang tapat. Kailangan muna itong makamit ng mga tao. Halimbawa, may isang masamang taong gumugulo sa gawain ng iglesia, at lalapitan ka ng isang lider para mas maunawaan niya ang sitwasyon. Alam mo kung sino ang nanggugulo, pero dahil mayroon kang magandang ugnayan sa taong iyon, at ayaw mong mapasama ang loob niya, magsisinungaling ka at sasabihin mo sa lider na hindi mo alam. Hihingi ng higit pang detalye ang lider, at magpapaligoy-ligoy ka, magdadahilan para pagtakpan ang masamang tao. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Hindi mo sinabi sa lider ang totoong sitwasyon, at sa halip ay inilihim mo ito. Bakit mo gagawin ito? Dahil ayaw mong salungatin ang sinuman. Inuuna mo ang pagpoprotekta sa mga ugnayan sa ibang tao at ang hindi salungatin ang sinuman, at hinuhuli ang pagsasalita nang tapat at pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang kumokontrol sa iyo? Kinokontrol ka ng iyong satanikong disposisyon, isinara nito ang bibig mo at pinigilan kang magsalita nang tapat—nagagawa mo lang mamuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Ano ang isang tiwaling disposisyon? Ang tiwaling disposisyon ay satanikong disposisyon, at ang taong namumuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon ay isang buhay na Satanas. Palaging may dalang pagsubok ang kanyang pananalita, palaging paligoy-ligoy, at hindi kailanman direkta; kahit patayin siya sa bugbog, hindi siya magsasalita nang tapat. Ito ang nangyayari kapag nagiging masyadong malubha ang tiwaling disposisyon ng isang tao; tuluyan na siyang nawawalan ng pagkatao at nagiging diyablo. Marami sa inyo ang mas gugustuhing sumalungat sa Diyos at dayain Siya para maprotektahan ang mga ugnayan ninyo sa iba, at ang katayuan at reputasyon na hawak ninyo sa ibang tao. Mahal ba ng isang taong kumikilos nang ganito ang katotohanan? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan? Siya ay isang taong mulat na nandadaya sa Diyos, na walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas siyang dayain ang Diyos; talagang napakalaki ng kanyang ambisyon at paghihimagsik! Karaniwang iniisip pa rin ng gayong mga tao na mahal at may takot sila sa Diyos, at madalas nilang sinasabi na: “Sa tuwing naiisip ko ang Diyos, naiisip ko kung gaano Siya ka-hindi masusukat, kadakila, at ka-hindi maarok! Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, tunay na tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaaring nagsasabi ka ng magagandang salita, ngunit hindi mo ilalantad ang isang masamang tao kapag nakita mo siyang ginugulo ang gawain ng iglesia. Ikaw ay mapagpalugod ng mga tao, pinoprotektahan mo lang ang sariling kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag alam mo ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, hindi ka nagsasalita nang tapat, nagpapaligoy-ligoy ka, pinoprotektahan ang masasamang tao. Kung hihilingin sa iyo na magsalita nang tapat, magiging napakahirap nito para sa iyo. Napakarami mong sinasabi na walang katuturan, para lang maiwasan ang pagsasabi ng totoo! Kapag nagsasalita ka, napakarami mong pasikot-sikot, masyado kang nag-iisip, at namumuhay nang nakakapagod, lahat ng ito ay para protektahan ang sarili mong reputasyon at pride! Nalulugod ba ang Diyos sa pag-asal mo nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong maging malaya sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Una ay kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpalimita sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at pangasiwaan ang mga bagay nang may prinsipyo—isa itong madali at masayang paraan ng pamumuhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos. Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at palaging umaasa sa mga kasinungalingan at panlilinlang para mairaos ang mga araw mo, mamumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at mamumuhay ka sa kadiliman. Kung mamumuhay ka sa mundo ni Satanas, mas lalo ka lang magiging mapanlinlang. Napakaraming taon mo nang nananampalataya sa Diyos, napakinggan mo na ang napakaraming sermon, pero hindi pa nalinis ang iyong tiwaling disposisyon, at ngayon ay namumuhay ka pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon—hindi ka ba nasusuklam dito? Hindi ka ba nahihiya? Gaano man katagal ka nang nananampalataya sa Diyos, kung katulad ka pa rin ng isang walang pananampalataya, ano pa ang silbi ng pananampalataya mo sa Diyos? Talaga bang makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos nang ganito? Hindi nagbago ang mga layon mo sa buhay, ni ang mga prinsipyo at pamamaraan mo; ang tanging bagay na mayroon ka na wala sa isang walang pananampalataya ay ang titulong “mananampalataya.” Bagama’t kung titingnan ay sinusunod mo ang Diyos, hindi talaga nagbago ang buhay disposisyon mo, at hindi mo makakamit ang kaligtasan sa huli. Hindi ba’t umaasa ka lang sa wala? Makakatulong ba sa iyo ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos na matamo ang katotohanan at ang buhay? Talagang hindi.
Ngayon ay napagbahaginan natin ang tatlong katangian ng pagbabago sa disposisyon. Ibuod ang tatlong katangiang iyon. (Ang unang katangian ay ang abilidad na tumanggap at magpasakop sa mga bagay-bagay na tama at umaayon sa katotohanan. Ang pangalawang katangian ay ang abilidad na hanapin ang katotohanan at isagawa ito kapag may nangyayari sa iyo, at huwag pangasiwaan ang mga bagay batay sa sarili mong kagustuhan. Ang ikatlong katangian ay ang abilidad na magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, maghimagsik laban sa laman at makamit ang pagpapasakop sa Diyos, anuman ang mangyari sa iyo.) Dapat kayong magnilay lahat at magbahaginan sa tatlong katangiang ito. Sa inyong totoong buhay, dapat ninyong ihambing ang inyong sarili sa mga ito, at sanayin ang sarili ninyo na magsagawa at pumasok sa mga ito—sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang katotohanan at matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Anuman ang aspekto ng katotohanan na pinagbabahaginan, magiging madali para sa mga nagmamahal sa katotohanan na tanggapin ito. Ang mga handang isagawa ang katotohanan ay makakamit ang katotohanan, at ang mga nagkakamit sa katotohanan ay magtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Yaong mga walang konsensiya o katwiran, na hindi nagmamahal sa katotohanan, ay hindi magagawang tanggapin o isagawa ang katotohanan, kaya hindi nila ito matatamo. Makamit man ng isang tao ang katotohanan o hindi, o makamit ang pagbabago sa disposisyon, ay nakasalalay sa kanyang personal na paghahangad.
Agosto 16, 2015