Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Maraming tao ang nakararamdam na may kulang sa kanila pagkatapos nilang magawa ang kanilang tungkulin, at na hindi nila taglay ang katotohanang realidad ng, kaya lagi nilang inoobliga ang sarili na makinig sa mas marami pang sermon, at sa mga lider at manggagawa na magdaos ng mas marami pang pagtitipon, na para bang iyon lamang ang makapagbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay at paglago sa buhay. Kapag ilang araw silang hindi nakadalo sa isang pagtitipon o sermon, pakiramdam nila ay hungkag at mapanglaw ang puso nila, na parang wala silang silbi. Sa puso nila, para bang ang araw-araw na mga pagtitipon at mga sermon lamang ang magbibigay sa kanila ng pagpasok sa buhay, o magbibigay sa kanila ng kakayahan na lumago sa espirituwal na gulang. Ang totoo, maling-mali ang ganitong uri ng pag-iisip. Ang mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay dapat gawin ang kanilang tungkulin—saka lamang sila magkakamit ng karanasan sa buhay. Kung sinasabi mong taos-puso kang nananalig sa Diyos, ngunit ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, nasaan ang sinseridad sa pananampalataya mo sa Diyos? Yaong mga taos-pusong gumagawa ng kanilang tungkulin ay yaong mga may pananalig. Ang mga may pananalig lamang ang naglalakas-loob na ialay ang kanilang buhay sa Diyos, at handa silang itapon ang lahat upang gumugol para sa Diyos. Nararanasan ng mga ganitong tao ang gawain ng Banal na Espiritu habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin; sila ay naliliwanagan, pinamumunuan, at dinidisiplina ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng karanasan sa buhay. Kaya, ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pormal na paggawa ng tungkulin ng isang tao.
Kung walang pakialam ang mga tao sa paggawa ng kanilang tungkulin, o laging magulo ang isip nila, anong uri ng saloobin ito sa tingin ninyo? Hindi ba’t iniraraos lamang nito ang tungkulin? Iyon ba ang ugali ninyo sa inyong tungkulin? Isa ba itong problema sa kakayahan o sa disposisyon? Dapat malinaw ito sa inyong lahat. Bakit ba pabaya ang mga tao kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin? Bakit hindi sila tapat kapag gumagawa sila ng mga bagay para sa Diyos? Nagtataglay man lang ba sila ng konsiyensiya at katwiran? Kung tunay kang nagtataglay ng konsiyensiya at katuturan, kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, mas pagsisikapan mo ang mga ito, at lalakipan mo ng kaunti pang kabaitan, responsabilidad, at konsiderasyon, at magagawa mong mas magsikap pa. Kapag kaya mong mas magsikap, gaganda ang mga resulta ng mga tungkuling ginagampanan mo. Gaganda ang mga resulta mo, at masisiyahan dito kapwa ang ibang mga tao at ang Diyos. Kailangan mong isapuso ito! Hindi maaaring lumipad ang isip mo, na parang nagtatrabaho ka sa sekular na mundo at kumikita lang ng pera batay sa oras na ginugugol mo. Kung ganoon ang ugali mo, mapapahamak ka. Hindi mo magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Anong uri ng pagkatao ito? May pagkatao ba ang mga taong walang konsiyensiya? Wala. Kung sinasabi mong mayroon kang pagkatao, at nais mong isagawa ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang mas magsikap sa tungkulin mo, at mas isapuso mo ito. Sinasabi mong mayroon kang konsiyensiya, pero hindi mo kailanman isinasapuso ang iyong tungkulin. Gumagana ba ang iyong konsiyensiya? Dapat mayroon kang mabuting layunin. Dapat madalas ninyong pag-isipan ang mga bagay na ito—dapat maunawaan ninyo ang lahat ng ito. Mahigpit na ipinagbabawal ang basta lamang iraos ang tungkulin. Kung palagi mong iniraraos lang ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may katapatan, dapat mo munang ayusin ang problema mo na iniraraos lang ang tungkulin. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat palagi mong isapuso ang tungkulin mo. Napakahirap dumating ng pagkakataong ito sa mga tao! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gawin ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Dapat subukan ko na lang muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi kwalipikado kahit magtrabaho man lang. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon ng isang bagay, magsusumikap ka tungo sa katotohanan, at may pag-asang magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, maging maluwag, o magpalusot. Kung ikaw ay nagiging maluwag, tuso, o madaya at taksil, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at kasamaan, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka ititiwalag, kung hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, kung palagi kang pabaya, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na ititiwalag ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang isang tao, kahit ano ang mangyari, huwag ipagkatiwala sa kanya ang isang gampanin. Kung hindi mo kilala ang isang tao, o narinig mo lang ang sabi ng ibang tao na magaling naman ang taong ito sa kanyang ginagawa, pero sa puso mo ay hindi ka isang daang porsyentong sigurado, ang magagawa mo lang ay bigyan muna siya ng maliit na gampanin—isang gampaning hindi mahalaga. Kung maayos siyang gumagawa sa ilang maliit na gampanin, maaari mo na siyang bigyan ng karaniwang gampanin. At kapag matagumpay siya sa gampaning iyon ay saka mo lang siya dapat bigyan ng isang mahalagang gampanin. Kung pumalpak siya sa karaniwang gampanin, hindi maaasahan ang taong ito. Malaki o maliit man ang isang gampanin, hindi ito maaaring ipagkatiwala sa kanya. Kapag may napansin kang isang taong mabait at responsable, hindi kailanman iniraos lang ang tungkulin, tinatrato niya ang mga gawaing ipinagkatiwala ng iba sa kanya bilang sarili niyang gawain, isinasaalang-alang ang bawat aspeto ng gampanin, iniisip ang mga pangangailangan mo, kinokonsidera ang bawat anggulo, mabusisi at pinangangasiwaan niya nang tama ang mga bagay-bagay, kaya lubos kang nasisiyahan sa kanyang gawain—ang ganitong uri ng tao ang mapagkakatiwalaan. Ang mga taong mapagkakatiwalaan ay mga taong may pagkatao, at ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran, at tiyak na napakadali para sa kanila ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dahil itinuturing nila ang kanilang tungkulin bilang kanilang obligasyon. Ang mga taong walang konsiyensiya o katwiran ay malamang na hindi gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin kahit ano pa ito. Kailangan ay lagi silang inaalala ng iba, pinangangasiwaan sila, at kinukumusta ang kanilang pag-usad; kung hindi, maaaring magulo ang mga bagay-bagay habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at maaaring may mangyaring mali habang ginagawa nila ang isang gampanin, na mas makagugulo kaysa makatutulong. Sa madaling salita, kailangang palaging suriin ng mga tao ang kanilang sarili kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, “Maayos ko bang natupad ang tungkuling ito? Isinapuso ko ba ito? O iniraos ko lamang ito?” Kung palagi kang pabaya, nasa panganib ka. Nangangahulugan itong wala ka man lang kredibilidad, at hindi ka mapagkakatiwalaan ng mga tao. Ang mas malala pa, kung palagi mo lang iniraraos ang paggawa ng iyong tungkulin, at kung palagi mong nililinlang ang Diyos, nasa malaking panganib ka! Ano ang mga kahihinatnan ng pagiging sadyang mapanlinlang? Nakikita ng lahat na sinasadya mong lumabag, na namumuhay ka nang ayon sa walang iba kundi sa sarili mong tiwaling disposisyon, na ikaw ay walang iba kundi pabaya, na hindi mo talaga isinasagawa ang katotohanan—na ang ibig sabihin ay wala kang pagkatao! Kung namamalas ito sa iyo hanggang sa huli, kung iniiwasan mo ang malalaking pagkakamali pero hindi tinitigilan ang maliliit, at hindi nagsisisi mula sa simula hanggang sa huli, kung gayon ay isa kang masamang tao, isang hindi mananampalataya, at dapat na paalisin. Ang mga ganitong kinahihinatnan ay kasuklam-suklam—ganap kang mabubunyag at maititiwalag bilang isang hindi mananampalataya at masamang tao.
Anumang tungkuling iyong ginagampanan ay kinapapalooban ng pagpasok sa buhay. Kung medyo palagian man o pabagu-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang pagpasok sa buhay. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga katayuang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang lagay ng loob nila, mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang mga tiwali at mala-satanas na disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumásamâ ang kanilang kalagayan at lagay ng loob; dahil dito ay paimbabaw ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na kalagayan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saan mang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong kalagayan, palaging maling kumilos batay sa iyong pakiramdam. Sabihin nang mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang lagay ng loob mo, at medyo masama kapag masama ang lagay ng loob mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Anuman ang lagay ng loob nila, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na mapigilan at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga pakiramdam. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagganap sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi napipigilan ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan. Magiging panatag ba ang isang tao sa pamumuhay nang ganito? Kailangan mo bang mag-alala kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos? Sabihin ninyo, paano ninyo kailangang kumilos para maging panatag? (Huwag hayaang mapigilan ka ng sinumang tao, pangyayari, o bagay, at unahin mo ang iyong tungkulin. Ito ang tanging paraan para maiwasan mong madismaya ang Diyos.) Tama, ito ang sikreto sa pagiging panatag. Natutunan na ba ninyong lahat ang sikretong ito? Kung may masamang ugali ang isang tao kapag nakikipag-usap sa iyo at tinatangka niyang isantabi ka o sinasadyang hanapan ka ng mali, hindi ka matutuwa, na para bang may isang kutsilyo na pinilipit sa loob mo. Hindi mo na gugustuhing kumain, at maaapektuhan ang pagtulog mo. Ano’t anuman, hindi magiging maganda ang lagay ng loob mo, at masasaktan ang puso mo. Sa puntong ito, ano ang gagawin mo? Maaari mong sabihin na, “Masama ang timpla ko ngayong araw, kaya ipagpapaliban ko muna ang tungkulin ko nang mga ilang araw,” o “Gagawin ko pa rin ang tungkulin ko, pero ayos lang kung hindi ko masyadong sisipagan o iraraos ko lang ito. Lahat ay may mga panahong hindi nila nakukuha ang gusto nila, kaya kung hindi maganda ang lagay ng loob ko, hindi ako labis na aasahan ng Diyos, hindi ba? Ipagpapaliban ko na lang saglit ang tungkulin ko ngayong araw. Ayos lang iyon, huhusayan ko na lang bukas. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa loob ng anim na libong taon, kaya talaga bang mahalaga pa sa Kanya kung ipagpapaliban ko ito ng isang araw?” Anong klase ng tao ang hinahayaan ang maliliit na bagay na makaapekto sa kanyang lagay ng loob, at pagkatapos ay hinahayaan itong makaapekto sa kanyang tungkulin? Hindi ba’t parang bata at hindi kanais-nais na pag-uugali ito? Kapag nangyayari sa kanila ang anumang bagay, naiinis sila, lubos na hindi makatwiran, hindi gumagawa ng kanilang tungkulin, walang kapasyahan, at nakakalimutan ang kanilang mga panata. Anong klaseng problema ito? Hindi ba ito problema ng kawalan ng pagiging sutil? Maaaring may ilang tao na hindi karaniwang kumikilos nang ganito, pero kapag masama ang lagay ng loob nila, sumusuko sila sa kanilang mga responsabilidad. Masyadong madalas nangyayari ang mga ganitong bagay. May ilang tao na kapag hindi maganda ang lagay ng loob nila, naaapektuhan sila ng panlabas na impluwensiya, kaya wala silang sigla habang ginagawa ang kanilang tungkulin, at hindi nila natututukan ang kanilang ginagawa. Ano ang dapat gawin kapag nangyayari ito? Hindi ba’t kailangang lutasin ang mga problemang ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi malulutas ang mga ito. Hindi magtatagal ayaw ko pa ring gawin ito, at hahayaan ko na lang kung ano ang mangyayari. Ano’t anuman, masama ang lagay ng loob ko at ayaw kong may kumausap sa akin. Hayaan na lang ninyo akong maging malungkot saglit.” Bagamat nandito pa rin sila, ginagawa ang kanilang tungkulin, naririto lamang ang katawan nila, hindi ang isipan. Hindi tiyak kung saan napunta ang kanilang mga puso. Hindi sila responsable sa kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap, at mahina sila. Gayunpaman, kapag bumuti ang lagay ng loob nila, nagsisimula silang maging masigasig muli; kaya nilang muling magtiis ng hirap at dumanas ng pagod, at hindi nila masyadong pinapansin kung ano ang kanilang kinakain. Hindi ba’t medyo abnormal ang lahat ng ito? Bakit ba naiimpluwensiyahan ang mga tao ng napakaraming iba’t ibang damdamin at sitwasyon? Hinanap ba ninyo kahit minsan ang dahilan? Hindi ba’t madalas kayong nababahala sa mga bagay na ito? Hindi ba kayo madalas naiipit sa mga kalagayang ito? Hindi ba’t ito ang problemang kinakaharap ninyong lahat? (Ito nga.) Kung hindi malulutas ang mga problemang ito, hindi kailanman magma-mature ang mga tao; palagi silang magiging mga bata. Halimbawa, kapag may sinabi ang isang tao nang hindi iniisip ang mararamdaman mo, isang bagay na bahagyang tumutukoy sa iyo, o kapag nagpahaging siya tungkol sa iyo, medyo hindi ka magiging komportable. Kapag kinausap mo ang isang tao at hindi ka niya pinansin, o hindi maganda ang ekspresyon sa kanyang mukha, hindi ka magiging komportable. Kapag may araw na hindi umaayon sa gusto mo ang iyong tungkulin, hindi ka magiging komportable. Kapag binangungot ka na tila isang masamang pangitain, hindi ka magiging komportable. Kapag nakarinig ka ng masamang balita tungkol sa pamilya mo, hindi ka magiging komportable, sasama ang lagay ng loob mo, at hindi mo mapapasigla ang sarili mo. Kapag may nakita kang ibang taong gumagawa nang maayos sa kanilang tungkulin, at nakatatanggap ng papuri at itinaas ang ranggo nila sa pagiging lider, hindi ka rin magiging komportable rito, at maaapektuhan nito ang lagay ng loob mo…. Ang lahat ng bagay na ito na maaaring makaimpluwensiya sa iyo, malaki man o maliit, ay maaaring magkulong sa iyo sa pagkanegatibo, magsanhi sa iyo ng lumbay, at makaapekto sa abilidad mong gumawa ng iyong tungkulin. Ano ang problema ng mga taong ganito ang pag-uugali? (Hindi matatag ang kanilang mga disposisyon.) Ang hindi matatag na disposisyon ay isang aspeto nito. Ang pagkatao nila ay kulang pa sa gulang at parang bata, at wala silang kabatiran. Tungkol sa kanilang pagpasok sa buhay, palagi nilang dinaranas ang mga pagpigil ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kaya hindi madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Kung hindi nila maisasagawa ang katotohanan, hindi sila makakapasok sa katotohanang realidad, at kung hindi sila makakapasok sa katotohanang realidad, hindi sila magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Hindi ba’t ganoon iyon? Ano ang dahilan kung bakit sila napipigilan ng mga tao, pangyayari, at bagay? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dahil hindi nila matukoy kung ano ang totoo at kung ano ang huwad, at dahil hindi nila matukoy kung sino ang tama at kung sino ang mali. Dahil dito, hindi nila alam kung paano magsagawa, nang walang pagkakataong sumulong o umurong. Iyon ang kahihinatnan. Karamihan sa mga bagong mananampalataya ay nasa ganitong kalagayan. Kapag nauunawaan nila ang katotohanan, nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at napag-iiba ang mga tao, natural na kusang malulutas ang problemang ito. Subalit, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi naghahanap sa katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay. Magpakailanman ay hindi maiwawaksi ng ganitong uri ng tao ang mga pagpigil ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Anong uri ng mga kalagayan ang ipinapamalas ng mga taong madalas dumaranas ng mga pagpigil ng mga tao, pangyayari, at bagay? Madali silang maging negatibo, at kapag dumaranas sila ng mga problema o nahihirapan sila, nadadapa sila. Naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang kanilang lagay ng loob at ang kanilang abilidad na gumawa ng kanilang tungkulin. Yaong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay madaling napipigilan ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Napakabagal ng kanilang pagpasok sa buhay, at kahit ilang taon pa silang nananalig, walang nakikitang pag-usad sa kanila. Hindi man lang sila nagbago, at halos kapareho lang ng mga walang pananampalataya. Lahat ng ito ay resulta ng hindi paghahangad sa katotohanan. Iyon ang dahilan. Sa madaling salita, kahit ilang taon ka nang nananalig sa Diyos, ano man ang kakayahan o edad mo, hangga’t hindi mo minamahal ang katotohanan o hinahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay, madali kang mapipigilan ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi mo malalaman kung paano kumilos nang tama, ni hindi mo malalaman kung paano isagawa ang katotohanan o maging alinsunod sa mga prinsipyo. Kahit kumilos ka ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao at hindi gumawa ng masama, hindi mo pa rin malalaman kung naaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos. Gaano man katagal nang nananalig ang ganitong uri ng tao, hindi siya makakapagsalita tungkol sa kanyang mga patotoo sa karanasan, dahil hindi niya nauunawaan kung paano danasin ang gawain ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan ang kahit katiting ng katotohanan. Ganito ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan; gaano man sila katagal nang nananalig sa Diyos, wala silang masasabing anumang patotoo. Napakaliit ng kanilang tayog, at wala silang katotohanang realidad.
Ngayon, aktibo ang mga tao sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroon din silang determinasyon na gawin ang kanilang tungkulin, igugol ang kanilang sarili para sa Diyos at talikuran ang mga bagay para sa Kanya, at ialay ang kanilang sarili sa Kanya. Mayroon pa ngang ilang tao na sumumpa nang maraming beses na iaalay nila ang kanilang buong buhay sa Diyos, at igugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Taglay nila ang lahat ng bagay na ito, pero wala silang pagpasok sa buhay. Kung walang pagpasok sa buhay ang isang tao, kung gayon, sa lahat ng uri ng masalimuot na mga tao, pangyayari, at bagay, magiging mahirap para sa kanila na manatiling matatag o matugunan ang isyu. Hindi sila makakahanap ng direksyon, ni makakahanap ng landas, at madalas nilang nararamdaman na hindi nila maiwaksi ang kanilang negatibong kalagayan. Naguguluhan sila, napipigilan, nakokontrol, at nagagapos ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at hindi nila alam ang pinakatamang paraan ng pagsasagawa. Ngayon, sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Ano man ang sumapit sa iyo, ito man ay isang pagsubok o hamon, o pagpupungos, at paano ka man tratuhin ng mga tao, dapat mo munang isantabi ang mga bagay na ito at humarap sa Diyos sa masigasig na pananalangin, nang hinahanap ang katotohanan at inaayos ang kalagayan mo. Ito ang dapat munang lutasin. Dapat mong sabihin na, “Gaano man kalaki ang bagay na ito, kahit na ang langit mismo ay bumagsak, dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Hangga’t may hininga ako, hindi ako susuko sa tungkulin ko.” Kaya paano mo gagawin nang maayos ang iyong tungkulin? Hindi pwedeng iniraraos mo lang ito, o kaya ay naroon nga ang pisikal mong katawan pero hinahayaan mong lumipad ang isip mo—dapat mong ituon ang puso at isipan mo sa iyong tungkulin. Gaano man kabigat ang mga bagay na sumasapit sa iyo, dapat mo munang isantabi ang mga ito at humarap sa Diyos para hangarin kung paano gawin nang maayos ang iyong tungkulin, para mapalugod nito ang Diyos. Dapat mong subukang isipin na, “Sa bagay na ito na nararanasan ko ngayon, paano ko gagawin nang maayos ang tungkulin ko? Noon, pabasta-basta ako kung kumilos, kaya ngayon ay dapat kong baguhin ang pamamaraan ko at magsikap na gawin nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ay walang mapupuna ang sinuman. Ang mahalaga ay hindi ko dapat bibiguin ang Diyos. Dapat mapanatag ko ang puso Niya, upang kapag nakita Niya akong gumagawa ng tungkulin ko, malalaman Niya na hindi lang ako masunurin at mapagpasakop, kundi tapat din.” Kung isasagawa mo ito at magsusumikap ka sa direksyong ito, walang makakapagpaantala sa iyo sa paggawa ng iyong tungkulin, o makakaapekto sa pagiging epektibo ng iyong tungkulin. Habang patuloy kang nagdarasal, naghahanap sa katotohanan, at nagsisikap na maintindihan ang mga salita ng Diyos, madali mong mauunawaan at malulutas ang mga emosyonal na bagay ng laman; pero hindi ito magagawa ng isang tao kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan, anumang problema ay maaaring malutas. Ang kalungkutan, kawalan ng pag-asa, mga pag-aalala, mga pag-aalinlangan, at pagkanegatibo sa puso mo ay tuluyang malulutas. Unti-unting bubuti ang lagay ng loob mo, at tuluyan kang mapapalaya. Kung talagang mayroon kang tunay na mga paghihirap, dapat mong matutunang hanapin ang katotohanan at magpasakop. Kapag nahaharap ang isang tao sa mga ganitong uri ng bagay, isa itong pagsubok sa kanyang tayog at ibinubunyag nito kung sino siya, upang makita kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan.
Upang magawa sa tamang pamantayan ang iyong tungkulin, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga hadlang at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagawa mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggawa ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gawin ng aking tungkulin? Ginagawa ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Ganap na bang mapagpasakop ang puso ko sa Diyos? Ang pagggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Magkakamit ba ng pinakamagagandang resulta ang paggawa ko ng tungkulin ko sa ganitong paraan?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hangarin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga problema sa mga layunin mo—ang mga ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon sila ng mga problema sa puso nila at hindi magiging normal ang kalagayan nila, na direktang makakaapekto sa kanilang abilidad na gawin ang kanilang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin ay malalaki at mabibigat na problema; direkta itong makakaapekto sa kanilang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag tinatamaan ng mga sakuna ang mga pamilya nila. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagpapasan sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, walang nakakakita rito o pumupuri sa kanila. Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag pinupungusan sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang naghahanap ng daan na matatakasan. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos, na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng kanilang sarili, na pumipigil sa kanila na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin Diyos o maging magpasakop sa mga plano ng Diyos. Nagbubunga ito ng lahat ng uri ng negatibong damdamin. Ganito talaga ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Kapag nangyayari sa kanila ang maliliit na problema, nagiging negatibo sila at mahina, naghihimutok sila sa kanilang pagkabigo sa kanilang tungkulin, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at gusto nilang bitiwan ang kanilang mga responsabilidad at ipagkanulo ang Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na dulot ng mga pagpigil ng isang tiwaling disposisyon. Ang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at kapalaran, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siyang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, at na hindi siya magagawang perpekto, kaya’t nagagawa niyang isantabi ang lahat. Ang kanyang mentalidad ay ang bumaling lang at magpasakop sa Diyos. Hindi siya natatakot sa anumang paghihirap, at kung negatibo o mahina ang pakiramdam niya, likas niyang nilulutas ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay mga naguguluhan, at paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila nagagawang ganap na lutasin ang mga problema nila. Kahit na saglit silang natatauhan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay bumabalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sa huli, dahil dito ay hindi nila maisantabi ang sarili nilang kalooban, pagkamakasarili, kinabukasan, kapalaran, at hantungan, na palaging umuusbong para guluhin sila. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay habang nauunawaan niya ang katotohanan, ang lahat ng bagay na nabibilang sa isang tiwaling disposisyon ay likas na maglalaho, at magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, lalago nang lalago ang pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok ng masasamang puwersa ni Satanas, o maililigaw o magugulo ng mga huwad na lider at anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas mabilis na uusad ang buhay niya, at magiging madali para sa kanya na matagumpay na magawa ang kanyang tungkulin at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag mayroon kang pagpasok sa buhay at unti-unting lumalago ang buhay mo, magiging mas normal ang kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapigil sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggawa ng iyong tungkulin, at magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hangarin ang mga layunin ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka nabibilang, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangang umako ng responsabilidad o hindi, hindi ba’t mas magiging normal ang kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, makararamdam ka rin ng labis na kaalwanan at kaligayahan. Hindi ba’t mapupuno ng liwanag ang puso mo dahil dito? Magiging normal ang mentalidad mo, mababawasan ang mga pagpapakita ng iyong tiwaling disposisyon, at makapamumuhay ka sa presensiya ng Diyos, maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang mentalidad mo, iisipin nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makararamdam ng kapayapaan at kagalakan sa puso nila, at makikinabang din sila. Habang lumalago ang tayog mo, magiging mas wasto at may prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kapag nakakita ka ng mga taong mahina at negatibo, mabibigyan mo sila ng malaking tulong—nang hindi sila pinipigilan o sinesermunan, bagkus ay ginagamit mo ang sarili mong mga tunay na karanasan para sila ay matulungan at makinabang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang gugugulin ang sarili mo sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong umako ng responsabilidad, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga praktikal na bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya madaling mabola, pinangangasiwaan niya ang mga praktikal na bagay, at nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan. Nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng tapat na paggawa sa kanilang tungkulin. Natutulungan niya ang kanyang mga kapatid na malutas ang mga problema ng mga ito, na nagpapatunay na mayroon siyang pagpasok sa buhay. Ang katunayang kaya niyang gumawa ng napakaraming praktikal na bagay ay nagpapatunay na isinasagawa niya ang katotohanan, at na namumuhay siya sa presensiya ng Diyos. Dahil nasa kanya ang katotohanang realidad, nagagawa rin niyang akayin ang iba na pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad o wala kang mga tunay na karanasan, maaakay mo ba ang iba sa presensiya ng Diyos? Kung ikaw mismo ay hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos, hindi mo maaakay ang iba sa Kanyang presensiya. Kung gugugulin mo lamang ang sarili mo habang ginagawa ang iyong tungkulin, nang hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at ayaw mong palugurin ang Diyos, kung gayon, hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos. Nagagawa bang tanggapin ng yaong mga hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos ang Kanyang pagsisiyasat? Nakakayanan ba nila ang mga pagsubok ng Diyos? Nagagawa ba nilang manindigan sa gitna ng mga hamon? (Hindi, hindi nila kaya.) Kaya ba ng ganitong uri ng tao na magpatotoo sa Diyos? Kaya ba niyang magpatotoo tungkol sa Kanya? (Hindi, hindi niya kaya.) Anong uri ng tao ang hindi kayang magpatotoo tungkol sa Diyos? Siya ba ay isang taong tunay na nananalig sa Diyos? Kahit paano, hindi pa siya nakapasok sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos, at umiiral pa rin siya sa labas ng mga salita ng Diyos. Ang isang taong nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang anumang pagpasok sa buhay, hindi nakapagsasalita tungkol sa kanyang patotoo sa karanasan, lalong hindi nakapagpapatotoo sa Diyos, na hindi matagumpay na nakapagpapalaganap ng ebanghelyo sa sinuman—hindi siya karapat-dapat na tawaging saksi ng Diyos. Kaya, ang isang taong wala pang sapat na gulang ang tayog at walang pagpasok sa buhay ay hinding-hindi makapagpapatotoo sa Diyos. Ang hindi binabanggit na ipinapahiwatig dito ay na ang ganitong uri ng tao ay hindi namumuhay sa presensiya ng Diyos. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, wala kang pagpasok sa buhay, at hindi ka isang saksi ng Diyos, kung gayon, kikilalanin ka ba Niya bilang isa sa Kanyang mga tagasunod? Hindi ka Niya kikilalanin. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong gawin ang iyong tungkulin, at handa kang gawin ito, pero sa pag-uugali mo ay nakita Niyang hindi mo kayang magpatotoo sa Kanya, kahit pagkatapos manalig sa Kanya nang mahabang panahon. Bukod sa wala kang tunay na kaalaman sa karanasan, namumuhay ka rin ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, wala kang katotohanang realidad, at hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos. Kung bibigyan ka Niya ng pagsubok, hindi mo ito mababata; kung pupungusan ka Niya, hindi mo ito makakayanan; kung hahatulan at parurusahan ka Niya, at pagkatapos ay binitiwan mo ang iyong mga responsabilidad at naging masama ang lagay ng loob mo, at iisipin Niya na: “Ang taong ito ay parang isang tigre na walang nangangahas humawak! Saanman Ako pumunta para gawin ang Aking gawain o magsalita, hindi karapat-dapat sundan ang ganitong tao, hindi karapat-dapat na makasama Ko.” Bakit Niya sasabihin ito? Dahil hindi nauunawaan ng ganitong tao ang katotohanan, wala siyang totoong pagkaarok, wala siyang tunay na mga karanasan, at hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Kung hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, maaari ba siyang maging tugma sa Kanya? Kung hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, maaarok ba niya ang mga ito? Matatanggap kaya niya ang katotohanan? Mahirap malaman, at ang lahat ng ito ay hindi batid. Kaya, kung ang ganitong uri ng tao ay kasama ng Diyos, magkakaroon ang taong ito ng mga pag-aalinlangan tungkol sa Kanya sa lahat ng bagay, at hindi nito maaarok ang Diyos, na magbubunga ng lahat ng uri ng mga maling pagkaunawa, reklamo, at panghuhusga sa Diyos sa bawat pagkakataon. Sa huli, magsasanhi ito ng pagkakanulo. Gugustuhin ba ng Diyos ang isang taong ipinagkakanulo Siya? Pahihintulutan ba ito ng Diyos na maging tagasunod Niya? Hindi. Kung nais mong aprubahan ka ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga tagasunod, kailangan mo munang tumuon sa pagpasok sa buhay. Dapat kang magsimula sa pag-unawa sa sarili mo, sa pagwaksi ng iyong tiwaling disposisyon, pagkamit ng abilidad na panghawakan ang iyong tungkulin, at isinasakatuparan iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—iyon ang una. Ang pagtuon sa pagpasok sa buhay ay alang-alang sa paggawa nang maayos ng iyong tungkulin, na siyang talagang pinapatungkulan ng lahat ng ito. Dapat simulan mong hangarin ang pagpasok sa buhay sa paggawa ng iyong tungkulin, at sa pagpasok sa buhay, dapat mong maunawaan at makamit ang katotohanan nang paisa-isa, hanggang sa maabot mo ang puntong mayroon ka nang tayog, kung saan unti-unting lumalago ang buhay mo at mayroon kang tunay na mga karanasan sa katotohanan. Pagkatapos ay kailangan mong maging dalubhasa sa lahat ng uri ng prinsipyo ng pagsasagawa, upang magawa mo ang tungkulin mo nang hindi napipigilan o nagugulo ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Sa ganitong paraan, unti-unti kang mamumuhay sa presensya ng Diyos. Hindi ka magugulo ng anumang uri ng tao, pangyayari, o bagay, at magkakaroon ka ng karanasan sa katotohanan. Habang mas dumarami ang karanasan mo, mas magagawa mong magpatotoo sa Diyos, at habang mas nakapagpapatotoo ka sa Diyos, unti-unti kang magiging isang kapaki-pakinabang na tao. Kapag naging isa kang kapaki-pakinabang na tao, magagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan ng sambahayan ng Diyos, makatatayo ka sa lugar ng isang nilikha at makakapagpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at magagawa mong manindigan. Tanging ang ganitong tao ang katanggap-tanggap na nilikha na taglay ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos ay magiging karapat-dapat ka sa lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos.
Ano ang susi sa pagpasok sa katotohanang realidad? Dapat mong matutunan kung paano isagawa ang katotohanan at kung paano pangasiwaan ang mga bagay sa maprinsipyong paraan. Ano ang silbi ng laging pagpapanata at pagpapahayag ng iyong kalooban? Kung palagi kang nagpapanata at nagpapahayag ng iyong kalooban, pero hindi mo pa rin naisasagawa ang katotohanan, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga at pinakatotoong bagay ay ang magkamit ng pagpasok sa buhay habang ginagawa ang iyong tungkulin, sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan para malutas ang iba’t ibang problema na lumilitaw, at para baguhin ang mga maling saloobin mo sa iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagpasok sa buhay? Ang pagkakaroon ng pagpasok sa buhay ay nangangahulugang mayroon kang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at naisasagawa mo ito nang tama. Lahat ba kayo ay mayroong pagpasok sa buhay ngayon? Nagagawa ba ninyong magpatotoo sa Diyos? Hindi ba kayo kadalasang naiipit pa rin sa doktrina? Hindi ba kayo humihinto sa doktrina, nang walang tunay na kaalaman o karanasan sa katotohanan? Kung hindi ka nagtatamo ng mga tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi ka makapagpapatotoo sa Diyos. Kalimitang nakabatay sa iyong pang-unawa ang kaalaman mo. Hindi ka sigurado, pakiramdam mo ay para bang ang isang bagay at ang isa pa ay parehong tama; kapag sinabi ng Diyos ang isang bagay, para bang ito ang katotohanan para sa iyo, at kapag iba ang sinabi Niya, ito rin ang katotohanan. Pakiramdam mo ay lahat ng salita ng Diyos ang katotohanan, at tumutugon ka ng amen sa mga ito at pinupuri mo ang mga ito, pero hindi mo magawang ikumpara ang sarili mo sa mga ito. Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, nalilito ka pa rin, at hindi mo alam kung aling mga katotohanan ang gagamitin para malutas ang iyong mga problema. Hindi ba’t karamihan sa inyo ay nasa ganitong kalagayan? Bagamat marami kayong nauunawaan at marami kayong masasabi tungkol sa doktrina, hindi ninyo ito nagagamit sa inyong totoong buhay. Hindi pa rin ninyo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ni hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at ano man ang mangyari sa inyo, hindi ninyo alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang inyong mga problema. Ito ay dahil napakaliit ng tayog ninyo. Kapag alam ninyo kung paano dumanas, magsagawa, at gumamit ng mga salita ng Diyos sa totoo ninyong buhay, at kapag alam ninyo kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema kapag may sumapit sa inyo, lalago ang buhay ninyo. Ang matuto kung paano isagawa ang katotohanan ay isang palatandaan na lumalago ang buhay ninyo. Balang araw, kapag nagawa mong lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, kapag mayroon kang kaunting kaalaman sa Diyos, kapag sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tunay mong kaalaman sa Diyos ay magawa mong magpatotoo sa gawain Niya, sa Kanyang banal at matuwid na disposisyon, at sa Kanyang pagkamapangyarihan-sa-lahat at sa Kanyang karunungan, kung gayon ay magagawa mong tunay na magpatotoo sa Diyos, at magiging kuwalipikado kang gamitin ng Diyos. Kung marami kang nauunawaan at buong araw kang nakapagsasalita tungkol sa doktrina, pero hindi mo malutas ang anumang bagay na may kaugnayan sa sarili mong mga problema o hindi mo alam kung paano lutasin ang mga ito, nagpapatunay iyon na ang mga bagay na nauunawaan mo ay hindi ang katotohanan, ang mga ito ay salita at doktrina lamang. Kahit na magsalita ka ng ilang doktrina nang napakapraktikal, ang totoo, ito ay kaalaman lamang batay sa pang-unawa, na hindi makatwiran. Bagamat napapabuti ang mga tao pagkatapos makinig sa iyo, nagkakaroon ng damdamin na kagaya sa iyo, at nagbubunga pa nga ng ilang resulta sa kanila ang kaalaman mo, hindi ka gaanong malinaw na nakapagsasalita tungkol dito, ni hindi mo ganap na nalulutas ang mga problema. Nagpapatunay ito na ang mga doktrinang sinasabi mo ay kaalamang batay lang sa pang-unawa. Hindi mo maaaring sabihin na ang mga ito ang katotohanang realidad, lalong hindi mo maaaring sabihin na nakapasok ka na sa katotohanang realidad. Ngayon, paano mo lulutasin ang problema sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina? Kinakailangan nito na pagnilayan mo ang iba’t ibang uri ng katiwalian na nabubunyag sa iyo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, na pagnilayan ang pinagmulan ng bawat problemang nakakaharap mo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, at gamitin ang mga salita ng Diyos para tuluyang malutas ang tiwaling disposisyong naibunyag mo. Kung ang ibinubunyag mo man ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili o kabuktutan at panlilinlang, pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam man o pagiging pabasta-basta at pagsisinungaling sa Diyos, dapat mong pagnilayan ang mga tiwaling disposisyong ito hanggang sa malinaw mong makita ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at kung gaano ka kalayo sa pagkamit ng kaligtasan. Kapag malinaw mong nakikita ang sarili mong tiwaling disposisyon, saka mo lang malalaman kung nasaan ang mga paghihirap at hadlang sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka mo lang malulutas ang ugat ng mga problema. Halimbawa, sabihin nating hindi ka umaako ng responsabilidad sa paggawa ng iyong tungkulin, sa halip ay palagi kang kumikilos nang pabasta-basta, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain mo, pero inaalala mo ang reputasyon mo, kaya ayaw mong tapat na magbahagi tungkol sa kalagayan at mga paghihirap mo, o magsagawa ng pagsusuri sa sarili at pagkilala sa sarili, sa halip ay palagi kang naghahanap ng mga dahilan para harapin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat kang manalangin sa Diyos at magnilay-nilay sa sarili mo, sabihin mong: “O Diyos, kung nagsasalita ako nang ganoon, ito ay para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Ang tiwaling disposisyon ko ang gumagana. Hindi ako dapat magsalita nang ganoon. Dapat akong magtapat tungkol sa aking sarili, ilantad ang aking sarili, at sabihin nang malakas ang mga tunay na saloobin ng aking puso. Mas gugustuhin ko pang mapahiya kaysa mabigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad. Ang Diyos lamang ang gusto kong mapalugod.” Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagsasabi nang malakas sa mga tunay na saloobin ng iyong puso, isinasagawa mo ang pagiging isang matapat na tao, at higit pa rito, hindi ka kumikilos ayon sa sarili mong kalooban o nagpoprotekta sa sarili mong reputasyon. Naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, naisasagawa ang katotohanan ayon sa mga layunin ng Diyos, taimtim na naisasakatuparan ang iyong tungkulin, at ganap na nagagampanan ang iyong mga responsabilidad. Kaya, hindi mo lamang isinasagawa ang katotohanan at ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, itinataguyod mo rin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nasisiyahan ang puso ng Diyos. Isa itong makatarungan at marangal na paraan ng pamumuhay, karapat-dapat na dalhin sa harap ng Diyos at ng mga tao. Napakaganda nito! Medyo mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan, pero kung nakatuon sa direksiyong ito ang iyong pagsisikap at pagsasagawa, kung gayon kahit na mabigo ka nang isa o dalawang beses, tiyak na magtatagumpay ka. At ano ang kahulugan sa iyo ng tagumpay? Nangangahulugan ito na kapag isinasagawa mo ang katotohanan, nagagawa mo ang hakbang na ito na nagpapalaya sa iyo mula sa pagkakagapos ni Satanas, isang hakbang na nagbibigay-daan upang maghimagsik ka laban sa iyong sarili. Nangangahulugan ito na maisasantabi mo ang banidad at kabantugan, maititigil mo ang paghahanap sa sariling kapakinabangan, at maititigil mo ang paggawa ng mga makasarili at kasuklam-suklam na bagay. Kapag isinagawa mo ito, ipinakikita mo sa mga tao na ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, na naghahangad sa katotohanan, isang taong naghahangad ng katarungan at liwanag. Ito ang resultang nakakamit mo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, naghahatid ka rin ng kahihiyan kay Satanas. Ginawa kang tiwali ni Satanas, pinagawa nito sa iyo na unahin ang iyong sarili, ginawa ka nitong makasarili, pinagawa nito sa iyong isipin ang sarili mong karangalan. Ngunit ngayon, hindi ka na magagapos nitong mga satanikong bagay na ito, nakalaya ka na sa mga ito, hindi ka na kontrolado ng kapalaluan, karangalan, o ng sarili mong personal na kapakinabangan, at isinasagawa mo ang katotohanan, kaya lubusan nang napahiya si Satanas, at wala na itong magagawa pa. Kung magkagayon, hindi ba’t nagtagumpay ka na? Kung matagumpay ka na, hindi ba’t makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Diyos? Hindi ka ba lumalaban ng mabuting laban? Kapag lumaban ka na ng mabuting laban, mayroon kang kapayapaan at kagalakan, at isang pagkaramdam ng kaalwanan sa iyong puso. Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging matiwasay at malaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit.
Ngayon, sa aling kalagayan kayong lahat kadalasang namumuhay? Madalas ba ay namumuhay kayo sa positibong kalagayan o sa negatibong kalagayan? (Kadalasan ay namumuhay kami sa negatibong kalagayan.) Hindi isang simpleng bagay para sa isang taong laging namumuhay sa negatibong kalagayan na magpursige sa paggawa ng kanyang tungkulin nang hindi bumibitiw sa kanyang mga responsabilidad! Kayong lahat ay madalas na pasibo, pero hindi ninyo alam kung paano ito lulutasin. Minsan, kinakailangan ninyong magsikap nang husto para malutas ang inyong mga pasibong kalagayan, at kapag hindi nasusunod ang gusto ninyo, muli kayong nagiging pasibo. Palagi kayong pabalik-balik sa inyong pagiging pasibo, at hindi kayo nakatatayo kahit na gustuhin ninyo; hindi ninyo nagagawa nang maayos ang anumang tungkulin, at masyado kayong kulang sa kakayahan kaya walang nakatutulong sa inyo. Hindi ba’t nakakapagod ang mamuhay nang ganito? (Nakakapagod ito.) Kung gayon, paano mo ganap na haharapin ang problema ng pagiging pasibo? Dapat lubos mong maunawaan ang ilang katotohanan. Ang dami ng doktrinang kaya mong sabihin ay hindi makalulutas sa mga problema mo. Kapag tunay nang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, at kapag nalulutas na niya ang anumang pagiging pasibo o mga paghihirap na kanyang nararanasan, hindi na magiging napakahirap para sa kanya na gampanan ang kanyang tungkulin. Sa pamamagitan lamang ng pagkamit sa katotohanan magiging matiwasay at malaya ang isang tao. Sa ngayon, ang bagay na pinakakulang sa inyong lahat ay ang katotohanan, pero ang pagkamit sa katotohanan ay hindi magagawa sa isang magdamag lamang. Kailangan ninyong magkaroon ng tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos, at malinaw na makita ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Nangangailangan ito ng panahon, at dapat ninyong hanapin ang katotohanan para maunawaan ito. Nararamdaman ninyong lahat ang pasakit ng pamumuhay sa isang tiwaling disposisyon, mayroon kayong malalim na pagkaunawa rito. Naranasan na ba ninyo ang kapayapaan at kaligayahan na nabubuo sa puso ninyo pagkatapos ninyong maunawaan ang katotohanan, kapag nagagawa ninyong isagawa ang katotohanan at sundin ang mga katotohanang prinsipyo? Marami ba kayong gayong karanasan? Kung tunay na marami ang ganitong mga karanasan, nangangahulugan iyon na taglay ninyo ang buong katotohanang realidad. Mararamdaman ninyo ang pamumuhay sa liwanag at sa presensya ng Diyos. Kung paminsan-minsan ninyong tinatamasa ang kaunting kaliwanagan ng Diyos, lubos kayong masisiyahan. Kung paminsan-minsan kayong umaasa sa Diyos sa halip na sa mga tao, at binibigyan kayo ng Diyos ng kaunting liwanag, ng isang daan pasulong na hindi ninyo naisip, at napangasiwaan ang usapin, lubos kayong masisiyahan. Hindi sapat ang madalas na magkaroon ng maliliit na karanasang ito; kailangan ninyo pa ring patuloy na magsikap tungo sa katotohanan. Sa isang banda, dapat ninyong maunawaan ang katotohanan tungkol sa mga pangitain, magkaroon ng napakalinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at tunay na magkaroon ng kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Sa ganitong paraan, kapag muli kayong naharap sa mga suliranin habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, kahit papaano ay hindi ito magdudulot ng mga kuru-kuro, at hindi rin ito magbubunga ng paghihimagsik. Isa itong aspeto ng mga bagay-bagay. Dagdag pa rito, dapat kayong magsikap tungo sa pagpasok sa buhay. Ang mga katotohanang dapat isagawa at pasukin ay dapat nakabuod, tulad ng pagkilala sa inyong sarili, pagiging matapat na tao, pagkatutong magpasakop sa Diyos, kung paano umasa sa Diyos, kung paano tapat na gawin ang inyong tungkulin, kung paano makilatis ang lahat ng uri ng tao, kung paano mo dapat tratuhin si Satanas, anong karunungan ang dapat mong taglayin, atbp. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas at pagpasok sa iba’t ibang aspetong ito ng katotohanan kayo matatakot sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan, at magiging isang perpektong tao. Kaya, gaano karaming aspeto ng katotohanang realidad ang napasok na ninyo ngayon? Aling mga aspeto ng katotohanang realidad ang hindi pa ninyo napasok? Dapat isapuso ninyo ang pagsubaybay nito. Kapag nakapasok na kayo sa maraming katotohanan na may kaugnayan sa pagsasagawa, lumago na ang buhay ninyo, at tunay kayong magkakaroon ng tayog. Kapag lumago na ang inyong tayog sa isang partikular na antas, makapapasok na kayo sa daan ng pagpeperpekto ng Diyos, at magkakaroon kayo ng tunay na tayog. Hindi ito isang bagay na maaaring madaliin—hindi ninyo makakain ang isang elepante sa isang kagat. Ngayon, ano ang pinakakritikal at pinakamahalagang bagay na kailangan ninyong lutasin? Iyon ay ang dapat ninyong magawa nang maayos ang inyong tungkulin, at magkaroon ng pagpasok sa buhay habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin. Ito ang susi. Hindi kayo maaaring magsikap lang—dapat ninyong isapuso ito. Ayaw ng Diyos na gawin mong bentahe ang pagpapagal mo habang ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha, sa halip ay nais Niyang ihandog mo sa Kanya ang iyong sinseridad. Habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, dapat kang magkaroon ng pagpasok sa buhay. Sa sandaling magkaroon ka ng pagpasok sa buhay, saka ka lang magkakaroon ng buhay, kapag nagkaroon ka ng buhay, saka ka lang lalago, at yaong mga may buhay lamang ang nagtataglay ng katotohanan.
Agosto 10, 2015